Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaapat na Bahagi)
II. Kinamumuhian ang Laman Kung Saan Nagkatawang-tao ang Diyos
Noong huling pagtitipon, nagbahaginan tayo tungkol sa ikalawang maliit na paksa ng ikasampung pagpapamalas ng mga anticristo na—kinamumuhian ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Saan ba tayo natapos sa ating pagbabahaginan? (Kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo depende sa kanilang lagay ng loob.) Umabot na tayo sa aytem ng “kung paano nila tinatrato si Cristo depende sa kanilang lagay ng loob.” Unahin nating balikan kung anong mga aspekto ang pinagbahaginan. Ilang sitwasyon ang nahimay patungkol sa “depende sa kanilang lagay ng loob”? (Mayroong limang sitwasyon: ang kanilang pag-uugali kapag pinupungusan, ang kanilang pag-uugali kay Cristo noong Siya ay tinutugis, kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, kapag sila ay itinataas ng ranggo o tinatanggal, at kapag nahaharap sa iba’t ibang kapaligiran.) Iyon na halos ang lahat. Kapag kayo ay nakikinig sa nilalaman ng mga aspektong ito, naririnig lamang ba ninyo ang mga pangyayari sa loob nito, o ikinukumpara ba ninyo ang mga ito sa inyong sarili, nakakamit at nauunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito? Anong perspektiba ang ginagamit ninyo sa pakikinig? (Kapag inilalantad at hinihimay ng Diyos ang mga kalagayan at pagpapamalas na ito, naikukumpara ko ang mga ito sa aking sarili. Minsan, ang aking pag-uugali ay maaaring hindi ganap na kapareho ng mga pagpapamalas ng mga anticristo, ngunit ang naibunyag na disposisyon at kalikasang diwa ay pareho.) Ang mga kalagayan, pagpapamalas, at diwa na inilalantad ay umiiral sa iba’t ibang antas sa lahat ng tao. Sa simula na nananalig ang mga tao sa Diyos, mahirap para sa kanila na mapansin ang mga pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyong ito sa kanilang sarili, ngunit habang ang kanilang karanasan sa pananalig sa Diyos ay unti-unting lumalalim, hindi nila namamalayan na nagkakaroon sila ng kaalaman sa ilang disposisyon at pag-uugali. Samakatwid, hindi mahalaga kung ang mga partikular na pagpapamalas na may kaugnayan sa nilalaman ng ating tinatalakay ay may kasalukuyang kaugnayan sa iyo o kung ikaw ay may gayon nang mga pag-uugali noon, hindi ibig sabihin na ang mga isyung ito ay walang kaugnayan sa iyo; hindi ibig sabihin na hindi mo gagawin ang gayong mga bagay sa hinaharap, ni hindi ibig sabihin na wala kang gayong mga disposisyon at pag-uugali. Mahigit isang taon na nating pinagbabahaginan at inilalantad ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Dahil mahigit isang taon na ang pagtatalakay sa isang paksa at hindi pa rin ito natatapos, sa palagay ninyo, partikular at detalyado ba ang nilalaman ng ating pagbabahaginan? (Ito ay detalyado.) Ito ay lubos na partikular at detalyado! Kahit umabot na sa ganitong antas ang pagbabahaginan, maraming tao pa rin ang nagpapakita ng kanilang mga orihinal na pag-uugali, na hindi nagbabago kahit kaunti. Ibig sabihin, ang mga salitang sinabi at ang mga kalagayan, disposisyon, at diwang inilalantad ay hindi nakakatulong sa kanila kahit kaunti. Sa panahong ito, mayroon pa ring ilan na patuloy na kumikilos nang walang pakundangan at walang moralidad, kumikilos nang arbitraryo at diktatoryal, at kumikilos nang walang pakialam at nang padalus-dalos. Gaya pa rin sila ng dati, o mas lalong nagiging walang pakundangan matapos magkaroon ng katayuan, ibinubunyag ang kanilang sarili nang mas lubusan. Dagdag pa rito, palaging may ilang tao na pinapalitan at pinapaalis—ano ang nangyayari dito? (Ito ay dahil ang mga taong ito ay hindi kailanman tinanggap ang katotohanan; nakarinig sila ng napakaraming sermon ngunit hindi nila isinapuso ang mga ito.) Ang isa sa mga dahilan ay iyong hindi kailanman tinatanggap ng mga taong ito ang katotohanan; tutol sila sa katotohanan at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay. Ang isa pang dahilan ay likas nilang taglay ang diwa ng mga anticristo, na hindi kayang tanggapin ang katotohanan o mga positibong bagay. Kaya, kahit na nagbahagi at naglantad Ako ng tungkol sa iba’t ibang diwa at pagpapamalas ng mga anticristo nang napakapartikular, ang mga anticristo at masamang taong ito ay kumikilos pa rin nang walang pakundangan at walang takot, na ginagawa ang anumang nais nila. Hindi ba’t ito ay tinutukoy ng kanilang diwa? Talagang imposibleng baguhin ng mga taong ito ang kanilang kalikasan; hindi sila naaapektuhan ng mga sermon gaano man karami ang marinig nila, at hindi rin sila nagsisisi. Batay sa kanilang pang-araw-araw na buhay, ang kanilang saloobin sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin, at ang paraan ng kanilang paggawa sa mga ito, hindi talaga nila tinatanggap ang katotohanan at ang kanilang disposisyon ay hindi nagbago kahit kaunti; ang mga salitang ito ay parang pangangaral sa mga bingi—ganap na walang epekto. Ang mga salitang ito ay hindi nakakaapekto sa mga anticristo, ngunit nagkaroon ba ang mga ito ng partikular na epekto sa inyo dahilan para magpigil kayo? Naging dahilan ba ang mga ito para limitahan ninyo ang ilang pag-uugali at itaas ang pamantayan ng inyong konsensiya at moralidad? (Medyo.) Kung walang naging ganitong epekto ang mga ito sa isang tao, sila ba ay tao pa rin? Hindi na; sila ay mga diyablo. Siyempre, pagkatapos marinig ang mga salitang ito, karamihan sa mga tao ay nagkaroon na ng kaunting pagkilatis sa iba’t ibang disposisyong diwa ng mga anticristo, at nagkaroon na ng pagkamuhi sa mga disposisyon ng mga anticristo mula sa kanilang kaibuturan, habang nagkakamit din ng kaunting pagkaunawa at kaalaman sa kanilang sariling mga tiwaling disposisyong diwa. Ito ay isang magandang tanda, isang mabuting bagay. Ngunit mayroon bang mga tao na lalong nagiging negatibo habang mas nakikinig sila? Pagkarinig nila sa mga salitang ito, iniisip nila, “Wala na. Sa tuwing inilalantad ang mga pagpapamalas, kalagayan, at disposisyon ng mga anticristo, ganap na tumutugma ang mga ito sa akin. Walang pagkakataon na hindi nauugnay ang mga ito sa akin. Kailan ko kaya ganap na maihihiwalay ang sarili ko mula sa disposisyon ng mga anticristo? Kailan ko kaya maipapakita ang ilang pagpapamalas ng mga tao ng Diyos, ng mga minamahal na anak ng Diyos?” Habang mas nakikinig sila, lalo silang nagiging negatibo, lalo nilang nararamdaman na wala silang landas na susundan. Normal ba ang reaksyong ito? (Hindi.) Nakakaramdam ba kayo ng pagkanegatibo? (Hindi.) Sa tuwing naririnig ninyo Akong inilalantad ang mga pagpapamalas at kaganapan ng mga anticristo, ito ba ay nagdudulot ng kirot o pagkaasiwa? Nahihiya ba kayo? (May kirot ito, nahihiya kami.) Anuman ang inyong nararamdaman, ang katunayan na hindi ito nagdudulot ng pagiging negatibo ay mabuti; kayo ay nakapanindigan. Gayumpaman, hindi sapat ang hindi pagiging negatibo; hindi nito naaabot ang layon, hindi ito ang panghuling mithiin. Kailangan ninyong maabot ang pagkilala sa inyong sarili sa pamamagitan ng mga salitang ito. Hindi ito tungkol sa pag-unawa sa isang aspekto ng pag-uugali kundi tungkol sa pagkilala sa inyong sariling disposisyon at diwa. Ang pagkaunawang ito ay dapat magbigay-kakayahan sa inyo na mahanap ang daan ng pagsasagawa sa buhay at sa proseso ng paggawa ng inyong tungkulin, na nalalaman kung anong mga kilos ang naaayon sa pag-uugali ng mga anticristo, kung anong mga kilos ang nagbubunyag ng disposisyon ng isang anticristo, at kung anong mga kilos ang may prinsipyo. Kung makakamit mo ito, hindi naging walang saysay ang pakikinig mo sa mga salitang ito; nagkaroon ng epekto ang mga ito sa iyo. Kasunod nito ay ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ika-apat na pagpapamalas ng kung paano tinatrato ng mga anticristo ang nagkatawang-taong Diyos—pakikinig lamang sa sinasabi ni Cristo, ngunit hindi sumusunod o nagpapasakop.
D. Pakikinig Lamang sa Sinasabi ni Cristo, Ngunit Hindi Sumusunod o Nagpapasakop
Ang mga anticristo ay nakikinig lamang sa mga sinasabi ni Cristo, ngunit hindi sila sumusunod ni nagpapasakop; kung gayon, paano sila nakikinig? Ang pariralang ito ay pangunahing nagbubuod ng kanilang saloobin sa pakikinig: Walang pagsunod, walang tunay na pagpapasakop; hindi sila tumatanggap mula sa puso, kundi nakikinig lamang gamit ang kanilang mga tainga, hindi nakikinig o umiintindi gamit ang kanilang puso. Kung titingnan ito nang literal, ang pag-uugali at disposisyon ng mga anticristo sa aspektong ito ay maaaring ibuod sa mga pangunahing elementong ito. Mula sa perspektiba ng disposisyong diwa ng mga anticristo, ang mga gayong tao ay hindi sumusunod ni sumusuko sa anumang nagmumula sa Diyos o anumang itinuturing na mabuti at positibo ng Diyos o ng mga tao, at anumang naaayon sa mga likas na batas; sa halip ay minamaliit nila ang mga gayong bagay, at may sarili silang mga perspektiba at pananaw. Ang mga perspektiba ba nila ay naaayon sa mga tuntunin at batas ng mga positibong bagay? Hindi. Ang mga perspektiba nila ay nahahati sa dalawang aspekto: Ang isa ay ang mga batas ni Satanas, at ang isa pa ay naaayon sa mga interes at kalikasang diwa ni Satanas. Samakatwid, patungkol sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang mga perspektiba at saloobin ng mga anticristo ay pangunahing nahahati sa dalawang bagay: Ang isa ay ang lohika at mga batas ni Satanas, at ang isa pa ay ang disposisyong diwa ni Satanas. Si Cristo ang tagapagsalita ng Diyos habang gumagawa Siya ng isang yugto ng gawain sa lupa, Siya ang pagpapahayag at pagkakatawang-tao ng Diyos habang gumagawa Siya ng isang yugto ng gawain sa lupa. Para sa gayong papel, ang mga anticristo, bukod sa pagiging mausisa, mahilig magsiyasat, at pagtrato kay Cristo gaya ng sa isang tao na may katayuan na dapat bolahin, ay walang tunay na pananalig at pagsunod sa kanilang puso, lalo pa ang tunay pagmamahal at pagpapasakop. Patungkol kay Cristo, isang pigura na tila walang halaga sa mga mata ng tiwaling sangkatauhan, ang Kanyang anyo ay ordinaryo at normal; ang Kanyang pananalita, pag-uugali, at tindig, gayundin ang lahat ng aspekto ng Kanyang pagkatao, ay ordinaryo at normal din. Higit pa rito, ang anyo, gawi, paraan, ng Kanyang gawain ay lumilitaw na lubhang ordinaryo, normal, at praktikal sa mata ng lahat. Ang mga ito ay hindi kahima-himala, hindi hungkag, hindi malabo, at hindi hiwalay sa totoong buhay. Sa madaling salita, sa panlabas, si Cristo ay hindi mukhang mataas. Ang Kanyang pananalita, mga kilos, at tindig ay hindi malalim o abstrakto. Kung oobserbahan gamit ang mga mata ng tao, walang mga hiwaga ang makikita, ni kahit na ano ang maaarok; Siya ay napakapraktikal, napakanormal. Bago natin talakayin ang diwa at kalikasan ng lahat ng gawaing isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, isaalang-alang natin ang lahat ng nakikitang panlabas na bagay tungkol sa papel ng Diyos na nagkatawang-tao: ang Kanyang pananalita, pag-uugali, tindig, pang-araw-araw na gawain, personalidad, mga interes, antas ng edukasyon, ang mga isyung Kanyang pinahahalagahan at tinatalakay, ang Kanyang paraan ng pakikitungo at pakikisalamuha sa mga tao, gayundin ang mga bagay na sinasabi Niyang alam Niya, at iba pa. Sa pananaw ng tao, ang lahat ng ito ay hindi kahima-himala, mataas, o hungkag, kundi lalong praktikal. Ang lahat ng aspektong ito ay isang pagsubok para sa lahat ng taong sumusunod kay Cristo; ngunit para sa mga tunay na nananalig sa Diyos, na may konsensiya at katwiran, kapag naunawaan na nila ang ilang katotohanan, ibinubuod nila ang lahat ng normal at praktikal na pagpapamalas ni Cristo sa panlabas sa kategorya ng Diyos na nagkatawang-tao upang makaunawa, makaarok, at makapagpasakop. Gayumpaman, ang mga anticristo lamang ang hindi gumagawa nito; hindi nila ito magawa. Sa kaibuturan ng kanilang puso, ang gayong isang labis na ordinaryong pigura na tulad ni Cristo ay tila may kakulangan para sa kanila. Ano mismo ang kulang? Sa kaibuturan nila, madalas na nararamdaman ng mga anticristo na ang gayong ordinaryong tao ay tila hindi Diyos. Madalas din nilang iginigiit na ang gayong ordinaryong tao ay dapat na magsalita, kumilos, at umasal sa isang paraan na, para sa kanila, ay akma sa isang tunay na Diyos, sa Cristo na nasa imahinasyon nila. Samakatwid, kung titingnan ang kaibuturan ng puso ng mga anticristo, ayaw nilang tanggapin ang gayong ordinaryong tao bilang kanilang Panginoon, bilang kanilang Diyos. Kapag mas normal, praktikal, at ordinaryo ang isang aspekto ni Cristo, ito ay mas lalong hinahamak, inaalipusta, at kinamumuhian pa nga ng mga anticristo. Sa gayon, patungkol sa anumang aspekto ng pag-uugali ni Cristo, kasama ang Kanyang mga salita, sa kaibuturan ng mga anticristo ay hindi nila matanggap ang mga ito, at lumalaban pa nga sila sa mga ito.
Ano ang kabilang sa mga sinasabi ni Cristo? Minsan, tungkol ito sa paggawa ng mga pagsasaayos sa gawain, minsan ay pagpuna sa mga pagkukulang ng isang tao, minsan ay paglalantad sa tiwaling diwa ng isang uri ng tao, minsan ay pagsusuri sa diwa at sa lahat ng detalye ng isang isyu upang himayin ang mga problemang nasasangkot, minsan ay paghatol sa kung ano ang tama at mali sa isang usapin, minsan ay pagtukoy sa kahihinatnan ng isang uri ng tao, minsan ay pagtataas ng ranggo ng ilang tao, minsan ay pagtatanggal ng ilang tao, minsan ay pagpupungos sa ilang tao, at minsan ay pag-alo at pagpayo sa ilang tao. Siyempre, bukod sa mga katotohanang nauugnay sa buhay disposisyon ng mga tao na binabanggit ni Cristo sa Kanyang gawain, madalas din Niyang tinatalakay ang lahat ng uri ng bagay, pati na ang ilang paksang nauugnay sa kaalaman ng tao at sa iba’t ibang larangan ng propesyon. Si Cristo ay isang normal at praktikal na tao; hindi Siya namumuhay nang hiwalay sa iba. Mayroon Siyang mga kaisipan at pananaw sa lahat ng bagay na may kinalaman sa pag-iral at buhay ng tao, at hinaharap Niya ang mga bagay na ito ayon sa mga prinsipyo. Kung ang mga prinsipyong ito ay nauugnay sa mga paksa ng kaligtasan ng mga tao, sa buhay pagpasok ng mga tao, sa pagsamba sa Diyos, masasabi bang ang mga ito ay pawang ang katotohanan? (Oo.) Ang mga salita tungkol sa kaalaman ng tao, pilosopiya, at ilang propesyonal na usapin na sinasabi ni Cristo ay hindi direktang matatawag na katotohanan, ngunit naiiba ang pananaw, saloobin, at prinsipyo ng mga ito mula sa nalalaman ng mga tao sa mga paksang ito. Halimbawa, ang mga tao ay maaaring magkaroon ng isang magalang na saloobin para sa isang bahagi ng kaalaman, namumuhay sila ayon dito, samantalang si Cristo ay kayang himayin at kilatisin ang lahat ng uri ng kaalaman at tratuhin ang mga ito nang tama. Halimbawa, ang inyong kahusayan sa isang partikular na propesyon at ang inyong kadalubhasaan sa kaugnay na kaalaman. Ano ang makakamit ninyo kung gagamitin ninyo ang kaalamang ito? Paano ninyo ginagamit ang kaalamang ito sa proseso ng paggawa ng inyong tungkulin? Mayroon bang nasasangkot na mga katotohanang prinsipyo? Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ibig sabihin ay walang mga prinsipyo, at umaasa ka lamang sa kaalaman sa paggawa mo ng iyong tungkulin. Bagama’t maaaring hindi Ako eksperto sa propesyon na iyon o wala Akong malalim na pagkaunawa sa kaalamang iyon, ang pagkaarok lamang sa pangkalahatang ideya at pagkaalam sa ilang pundamental na kaalaman, alam Ko kung paano gamitin ang kaalamang ito sa isang paraan at nang may mga prinsipyo na nagbibigay-kakayahan dito na maglingkod nang epektibo sa gawain ng Diyos. Ito ang pagkakaiba. Dahil hindi tinatanggap ng mga anticristo ang katotohanan, hindi nila kailanman matatanto ang puntong ito at hindi nila kailanman mauunawaan kung ano ang tunay na diwa ni Cristo. Taglay ni Cristo ang diwa ng Diyos—saan eksaktong ipinapakita at ipinapamalas ang pahayag na ito, paano ito dapat na tratuhin ng mga tao, at ano ang mga benepisyo at pakinabang na natatanggap ng mga tao mula rito? Hindi kailanman makikita ng mga anticristo ang aspektong ito. Bakit ganoon? Mayroong isang napakahalagang dahilan: Paano man tingnan ng mga anticristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, nakikita lamang nila ang isang tao. Nagsusukat sila mula sa perspektiba ng tao, gamit ang kaalaman, karanasan, katalinuhan, pagpapakana, at panlalansi ng tao upang tumingin, ngunit paano man sila tumingin, hindi sila makakita ng anumang espesyal sa taong ito, ni hindi nila matukoy na Siya ay may diwa ng Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, makikita ba nila ito gamit ang kanilang mga mata lamang? (Hindi.) Paano kung gumamit sila ng mikroskopyo o ng X-ray? Mas lalong hindi nila makikita ito. May ilang taong nagtatanong: “Kung hindi ito makikita gamit ang mga mata o ang mikroskopyo, maaari ba itong makita ng mga may ugnayan sa espirituwal na mundo?” (Hindi.) Ang mga may ugnayan sa espirituwal na mundo ay maaaring makita ang loob ng mundong iyon at ang mga espiritu, kaya bakit hindi nila makilatis ang Diyos na nagkatawang-tao? Sa tingin ninyo, kaya bang makita ni Satanas ang Diyos sa espirituwal na mundo? (Oo.) Tulad ng Diyos, umiiral si Satanas sa espirituwal na mundo, ngunit kinikilala ba nito ang Diyos bilang Diyos? (Hindi.) Sumusunod o nananalig ba ito sa Diyos? (Hindi.) Kayang makita ni Satanas ang Diyos araw-araw, ngunit hindi ito nananalig ni sumusunod sa Kanya. Kaya, kahit na kayang makita ng mga may ugnayan sa espirituwal na mundo ang Espiritu ng Diyos, kikilalanin ba nila ang Espiritu na ito bilang Diyos? (Hindi.) Nalutas ba ng paliwanag na ito ang ugat ng isyu? (Oo.) Ano ang ugat dito? (Hindi nila kinikilala ang Diyos at hindi nila kinatatakutan ang Diyos.) Sa kaibuturan, hindi kinikilala ng mga anticristo ang Diyos. Ang kanilang mga ninuno, ang kanilang mga ugat, ay hindi kinilala ang Diyos. Kahit na nasa harapan na nila ang Diyos, hindi nila kinikilala o sinasamba ang Diyos. Kung gayon, paano nila sasambahin ang Diyos na nagkatawang-tao, na mukhang napakaordinaryo at walang halaga? Talagang hindi nila magagawa ito. Samakatwid, anuman ang pamamaraan na ginagamit ng mga anticristo upang makakita, walang silbi ito. Mula noong simulan ng Diyos ang Kanyang gawain hanggang sa ngayon, nagsalita na ang Diyos ng napakaraming salita at gumawa na ng napakadakilang gawain. Hindi ba’t ito ang pinakamalaking tanda at hiwaga sa mundo ng tao? Kung magagawa itong kilalanin ng mga anticristo, nanalig na sana sila noon pa; hindi na sana sila naghintay hanggang ngayon. May ilang tao bang nag-iisip, “Hindi pa sapat ang nakikita ng mga anticristo sa mga aktuwal na gawa ng Diyos, kaya hindi pa sila kumbinsido; kung magpapakita ang Diyos ng ilang tanda at hiwaga, kung ipapakita Niya sa kanila kung ano talaga ang espirituwal na mundo, at kung makikita nila ang tunay na persona ng Diyos at na ang lahat ng Kanyang mga salita ay natupad, kung magkagayon ay kikilalanin at susundan nila ang Diyos.” Ganoon ba iyon? Sa espirituwal na mundo, maraming taon nang nakikipagtalo ang mga anticristo sa Diyos nang hindi nakukumbinsi, kaya bigla na lang ba silang magpapasakop sa loob lamang ng ilang taon? Imposible iyon; ang kanilang kalikasang diwa ay hindi nababago. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay gumawa ng napakaraming gawain at nagsalita ng napakaraming salita, ngunit wala ni isa sa mga ito ang makalulupig sa kanila, ni hindi nila makilala ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ito ang kanilang likas na kalikasan. Ano ang ipinapahiwatig ng kalikasang ito? Nangangahulugan ito na ang mga tulad ng mga anticristo ay makikipagdigma sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay magpakailanman, makikipaglaban hanggang sa huling sandali, hindi titigil hanggang sa kamatayan. Hindi ba’t sila ang nararapat na maging pakay ng pagkawasak? Ano ang ibig sabihin ng “hindi titigil hanggang sa kamatayan”? Ibig sabihin, mas gugustuhin nilang mamatay kaysa kilalanin ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, mas gugustuhin nilang mamatay kaysa magpasakop sa Diyos. Ito ay karapat-dapat sa kamatayan.
Ang mga anticristo, pagdating kay Cristo, sa ordinaryong taong ito, ay hindi lamang sinisiyasat ang panlabas ni Cristo kundi pati na rin ang loob Niya. Kaya, kapag nagsasalita at kumikilos si Cristo, nagpapakita ang mga anticristo ng iba’t ibang pag-uugali. Ilantad natin ang kanilang kalikasang diwa sa pamamagitan ng iba’t ibang pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo bilang tugon sa mga salita at kilos ni Cristo. Halimbawa, kapag nagbabahagi si Cristo sa mga tao tungkol sa gawain at sa mga katotohanang prinsipyo, binabanggit Niya ang ilang partikular na pagsasagawa. Kasama rito kung paano dapat partikular na isagawa at ipatupad ng mga tao ang isang gawain habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin. Sa pangkalahatan, walang gawain na tungkol lamang sa pagtatalakay sa teorya, pagsigaw ng mga islogan, pagpukaw sa lahat, at pagkatapos ay pagpapanata sa lahat at tapos na; ang bawat gawain na nauugnay sa tungkulin ay komplikado at may kasamang ilang partikular na detalye. Halimbawa: Paano pumili ng tamang tao; paano harapin at tratuhin ang iba’t ibang kalagayan ng iba’t ibang tao; paano harapin ang iba’t ibang problema na lumilitaw sa proseso ng paggawa sa tungkulin nang ayon sa mga prinsipyo; paano kamtin ang matiwasay na pakikipagtulungan sa pagitan ng mga tao nang hindi kumikilos nang walang pakundangan at diktatoryal, o nagiging padalus-dalos at walang pakialam; at iba pa, na sumasaklaw sa iba’t ibang paksa. Kapag nagbabahagi si Cristo ng tungkol sa partikular na gawain na kailangang ipatupad at na kailangan ng isang tao na mamahala, posible na makaranas ng mga suliranin ang mga indibidwal. Madali ang pagsigaw ng mga islogan at pangangaral ng mga doktrina, ngunit ang aktuwal na pagpapatupad ay hindi ganoon kasimple. Sa pinakamababa, kailangan ng mga tao na magsikap, magbayad ng halaga, at maglaan ng oras upang aktuwal na maisagawa ang mga gawain. Kasama rito, sa isang aspekto, ang paghahanap ng mga angkop na indibidwal, at, sa iba pang aspekto, ang pag-aaral tungkol sa nasasangkot na propesyon, pagsasaliksik sa karaniwang kaalaman at mga teorya na nauugnay sa iba’t ibang propesyonal na aspekto, at ang mga partikular na diskarte at pamamaraan ng operasyon. Bukod dito, maaari silang maharap sa ilang mahirap na isyu. Sa pangkalahatan, ang mga normal na tao ay nakakaramdam ng kaunting panghihina ng loob kapag naririnig ang tungkol sa mga suliraning ito, nakadarama sila ng presyur, ngunit ang mga tapat at mapagpasakop sa Diyos, kapag nahaharap sa mga suliranin at nakadarama ng presyur, ay tahimik na nananalangin sa kanilang puso, humihiling ng paggabay sa Diyos, upang madagdagan ang kanilang pananalig, para sa kaliwanagan at tulong, at humihiling din ng proteksyon mula sa paggawa ng mga pagkakamali, para matupad nila ang kanilang katapatan at makapagsikap sila nang husto upang magkaroon ng malinis na konsensiya. Gayumpaman, ang mga tulad ng mga anticristo ay hindi ganito. Kapag naririnig nila ang tungkol sa mga partikular na mga pagsasaayos sa gawain mula kay Cristo na kailangan nilang ipatupad at na may ilang suliranin dito, nagsisimula silang makaramdam ng paglaban sa loob nila, at ayaw na nilang magpatuloy. Ano ang anyo ng pag-ayaw na ito? Sinasabi nila: “Bakit hindi kailanman nangyayari sa akin ang magagandang bagay? Bakit palagi akong binibigyan ng mga problema at mga hinihingi? Ako ba ay itinuturing na walang ginagawa o isang aliping dapat utus-utusan? Hindi ako madaling manipulahin! Sinasabi mo ito nang napakadali, bakit hindi mo mismo ito subukang gawin!” Ito ba ay pagpapasakop? Ito ba ay isang saloobin ng pagtanggap? Ano ang kanilang ginagawa? (Lumalaban, sumasalungat.) Paano lumilitaw ang paglaban at pagsalungat na ito? Halimbawa, kung sasabihan silang, “Bumili ka ng ilang kilo ng karne at magluto ng adobo para sa lahat,” tututulan ba nila ito? (Hindi.) Ngunit kung sasabihin sa kanila, “Ngayon, bungkalin mo ang lupang iyon, at habang nagbubungkal, kailangan mong tapusin ang pag-aalis ng mga bato bago ka kumain,” aayaw na sila. Kapag may kasama nang pisikal na hirap, suliranin, o presyur, lumilitaw ang kanilang pagkayamot, at ayaw na nilang magpatuloy; nagsisimula silang lumaban at magreklamo: “Bakit hindi nangyayari sa akin ang magagandang bagay? Kapag oras na para sa mga madaling gawain, bakit hindi ako napapansin? Bakit ako ang pinipili para sa mahirap, nakakapagod, o maruming gawain? Ito ba ay dahil tila wala akong muwang at madaling manipulahin?” Dito nagsisimula ang panloob na paglaban. Bakit masyado silang mapanlaban? Ano ang “marumi at nakakapagod na gawain”? Ano ang “mga suliranin”? Hindi ba’t lahat ng ito ay bahagi ng kanilang tungkulin? Ang sinumang itinalaga ay dapat itong gawin; ano pa ba ang dapat pagpilian? Ito ba ay tungkol sa sadyang pagpapahirap sa kanila? (Hindi.) Ngunit naniniwala sila na ito ay sadyang pagpapahirap sa kanila, pamemresyur sa kanila, kaya hindi nila tinatanggap ang tungkuling ito mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ito. Ano ang nangyayari dito? Ito ba ay na kapag nahaharap sila sa mga suliranin, kailangang magtiis ng pisikal na hirap, at hindi na makapamuhay nang komportable, ay nagiging mapanlaban na sila? Ito ba ay pagpapasakop nang walang kondisyon, nang walang reklamo? Umaayaw na sila sa pinakamaliit na suliranin. Anumang bagay na ayaw nilang gawin, anumang gawain na sa tingin nila ay mahirap, hindi kanais-nais, nakakababa, o minamaliit ng iba, ay labis nilang nilalabanan, tinututulan, at tinatanggihan, hindi sila nagpapakita ng kahit kaunting pagpapasakop. Ang unang reaksyon ng mga anticristo kapag nahaharap sa mga salita, mga utos ni Cristo, o sa mga prinsipyong Kanyang ibinabahagi—sa sandaling magdulot ito ng suliranin sa kanila o kinakailangan nilang magdusa o magbayad ng halaga—ay paglaban at pagtanggi, nakadarama sila ng pagkasuklam sa kanilang puso. Gayumpaman, pagdating sa mga bagay na nais nilang gawin o na may pakinabang sa kanila, iba ang kanilang saloobin. Ang mga anticristo ay nagnanais na mamuhay nang komportable at na mamukod-tangi, ngunit sila ba ay masaya at nagagalak na tumatanggap kapag nahaharap sila sa pagdurusa ng laman, sa pangangailangang magbayad ng halaga, o kahit sa panganib na mapasama ang loob ng iba? Kaya ba nilang makamit ang ganap na pagpapasakop sa oras na iyon? Hinding-hindi; ang kanilang saloobin ay ganap na pagsuway at pagtutol. Kapag ang mga tulad ng mga anticristo ay nahaharap sa mga bagay na ayaw nilang gawin, sa mga bagay na hindi tugma sa kanilang mga kagustuhan, panlasa, o sariling interes, ang kanilang saloobin sa mga salita ni Cristo ay nagiging ganap na pagtanggi at paglaban, nang walang bahid ng pagpapasakop.
May ilang tao na, habang nakikinig sa pagsasalita ni Cristo, ay nagsisimulang mag-isip: “Bakit sinasabi ito ni Cristo? Paano Niya nagagawang tingnan ang bagay na ito nang may ganitong pananaw? Paano Niya nagagawang magkaroon ng gayong opinyon, paano Niya ito nagagawang bigyang kahulugan sa ganitong paraan? Ito ba ay katotohanan din? Ang mga ito ba ay mga salita rin ng Diyos? Sa palagay ko ay hindi. Ang paraan ng pagsasalita ng Diyos sa Bibliya ay iba ang pagkakatala, may partikular itong uri ng pagkamakatwiran, nang hindi na tinatalakay ang mga detalye at maliliit na bagay. Bakit ganito magsalita si Cristo? Palagi itong tungkol sa mga detalye at paghihimay sa mga detalye; kaya ba talagang magsalita ng Diyos nang ganito?” Wala silang mga kuru-kuro tuwing binabasa nila ang mga salita ng Diyos, at ang iniisip nila ay, “Ito ay ang mga salita ng Diyos; dapat akong umasa sa mga ito upang makamtan ko ang buhay, kaligtasan, at mga pagpapala.” Gayumpaman, kapag aktuwal na silang nakikipag-ugnayan kay Cristo at naririnig na nila ang Kanyang mga pananaw, komento, at saloobin sa ilang bagay, pati na rin ang Kanyang mga paraan ng pangangasiwa sa ilang tao, nagsisimula silang bumuo ng mga opinyon, na maituturing na mga kuru-kuro ng tao. Kapag ang mga anticristo ay nagkakaroon ng mga kuru-kuro sa kanilang puso, magdadasal ba sila sa Diyos upang pungusan ang kanilang mga kuru-kuro? Hinding-hindi. Patuloy nilang sinusukat ang mga salita ni Cristo ayon sa kanilang sariling mga kuru-kuro nang walang bahid ng pusong nagpapasakop. Kaya, kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol kay Cristo, nagsisimula silang makaramdam ng paglaban sa loob at unti-unti silang nagiging antagonistiko kay Cristo. Kapag lumitaw ang gayong antagonismo, balak pa rin bang magpasakop ng mga anticristo? Balak pa rin ba nilang tumanggap? Sa kanilang puso, nagsisimula silang lumaban, iniisip nila, “Hmph, ngayon ay may panghahawakan na ako laban sa Iyo. Hindi ba’t Ikaw diumano ang Diyos? Hindi ba’t ang lahat ng Iyong salita ay ang katotohanan? Lumalabas na Ikaw rin ay nangangatwiran nang lohikal kapag Ikaw ay gumagawa ng mga bagay, at Ikaw ay humahatol sa mga bagay batay sa nakikita ng Iyong mga mata. Ang Iyong mga kilos ay hindi umaayon sa diwa ng Diyos!” Nagsisimula silang makaramdam ng pagsuway sa loob nila. Kapag lumilitaw ang pagsuway na ito, ito ay nalalantad sa labas. Maaari nilang sabihin, “Tila tama ang Iyong mga sinabi, ngunit kailangan kong tingnan ang mga salita ng Diyos upang makita kung ano ang sinasabi Niya tungkol doon. Kailangan kong manalangin sa Diyos upang makita kung paano Niya ako ginagabayan. Kailangan kong maghintay at maghanap, upang makita kung paano ako ginagabayan at binibigyang-liwanag ng Diyos. Tungkol sa Iyong sinabi, hindi na ito sakop ng aking pagsasaalang-alang, at hindi ito maaaring maging batayan ng aking mga kilos.” Anong pagpapamalas ito? (Pagtatatwa kay Cristo.) Itinatatwa nila si Cristo, ngunit bakit binabasa pa rin nila ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao? (O Diyos, sa palagay ko ay kinikilala lamang nila ang isang malabong Diyos sa langit at tahasang itinatatwa si Cristo na nasa lupa.) Ang mga anticristo ay palaging namumuhay sa loob ng mga hungkag na salita at doktrina, dinadakila ang isang mataas, hindi nakikitang Diyos. Kaya, lubos nilang iginagalang at pinahahalagahan ang mga nakasulat na salita na mga nakatalang kasabihan ni Cristo, ngunit itinuturing nila si Cristo, na kasing-ordinaryo ng kahit sino, na walang katayuan sa kanilang puso. Hindi ba’t may kontradiksyon dito? Kapag nagkikimkim sila ng mga kuru-kuro tungkol kay Cristo, sinasabi nila, “Kailangan kong manalangin at maghanap upang makita kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos.” Kinikilala lamang ang mga salita ng Diyos ngunit hindi si Cristo, sino sila? (Mga anticristo.) Gaano man kahalaga o kalalim ang kanilang mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ni Cristo, kapag ang mga salitang iyon ay naimprinta na, nawawala ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag ang mga salita ay naging teksto, sinasamba nila ang mga ito bilang Diyos. Hindi ba’t ito ang parehong pagkakamali na ginawa ng mga Pariseo at ng mga nasa relihiyosong grupo? Ang pagkabigong maunawaan ang katotohanan ay nagpapadali sa paglitaw ng mga pagpapamalas at kuru-kurong ito. Pagkatapos magkaroon ng mga kuru-kuro ang mga anticristo, ang kanilang puso ay hindi makapagpasakop; walang pagpapasakop, kundi paglaban lamang.
Sa anong mga sitwasyon nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga ordinaryong tao, o, anong uri ng mga tao ang madaling magkaroon ng mga kuru-kuro? Ang isang uri ay iyong mga hindi nakakaunawa sa mga salita ng Diyos, at ang isa pa ay iyong mga walang espirituwal na pang-unawa at hindi tumatanggap sa katotohanan; madali silang magkaroon ng mga kuru-kuro. Kapag nagkaroon ng mga kuru-kuro, sa puso nila ay nagsisimula silang lumaban. Halimbawa, maaari Kong sabihin sa mga tao na gawin ang isang bagay sa isang partikular na paraan batay sa kalagayan, kapaligiran, at mga pangangailangan ng tao sa oras na iyon. Kalaunan, paglipas ng panahon at sa pagbabago ng mga sitwasyon, maaaring magbago rin ang gawi at pamamaraan ng pangangasiwa sa bagay na iyon. Gayumpaman, ang pagbabagong ito ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga anticristo na magkaroon ng mga kuru-kuro: “Sinabi Mo ito noon, idineklara Mo ito bilang katotohanan at sinabihan ang mga taong isagawa ito nang ganito. Sa wakas ay naintindihan namin at nagawa namin itong isagawa at sundin, iniisip namin na may pag-asa kaming mapagpala, at ngayon sinasabi Mo na gawin namin ito sa ibang paraan—ano ang ibig sabihin nito? Hindi ba’t pinahihirapan Mo kami? Hindi ba’t tinatrato Mo kami nang mas mababa sa tao? Ano ba talaga ang tamang paraan ng paggawa nito?” Ang anumang pagbabago sa pamamaraan, diskarte, o pahayag ay maaaring ikagalit ng ilang tao—ang mga indibidwal na ito ay iyong mga hindi talaga nakakaunawa sa katotohanan at hindi ito maarok. Sinusukat nila ang lahat ng ginagawa ng Diyos gamit ang mga lumang pananaw, lumang teorya, ilang moral na pamantayan ng tao, pamantayan ng konsensiya, at maging ang ilang lohikal na pag-iisip at kaalaman ng tao. Kapag ang lahat ng ito ay sumasalungat sa sinabi ni Cristo o kapag may mga pagkakaibang lumilitaw sa gitna, hindi nila alam kung paano ito pangangasiwaan. Kapag hindi sigurado kung paano magpapatuloy, ang mga normal na tao ay dapat na kayang kumalma at tumanggap muna, pagkatapos ay unti-unting hangarin na makaunawa. Gayumpaman, ang mga anticristo ay hindi ganito. Lumalaban muna sila at pagkatapos ay nagdarasal sila sa isang malabong Diyos, na parang isinasagawa nila ang katotohanan at labis na minamahal ang Diyos. Ano ang layon ng kanilang panalangin? Ito ay upang makahanap ng sapat na ebidensya upang itatwa ang mga salita ni Cristo, upang kondenahin at punahin ang sinabi ni Cristo, upang makamit ang kapayapaan ng isip. Ganito nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro. Malulutas ba nito ang kanilang mga kuru-kuro? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi nila hinahanap ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos kundi sinusubukan nilang itatwa ang Diyos.) Mismo, hindi nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro nang may saloobin ng pagtanggap sa katotohanan o sa paraan na tumatanggap sa katotohanan. Ang kanilang mga kuru-kuro ay hindi naisasantabi; nananatili ang mga ito sa kanilang puso. Samakatwid, ang gayong pamamaraan ay hindi kailanman makalulutas ng kanilang mga kuru-kuro, hindi kailanman magpapahintulot sa kanila na bitiwan ang kanilang mga kuru-kuro. Sa halip, sa paglipas ng panahon ang mga kuru-kurong ito ay naiipon; habang lumilipas ang panahon at nadaragdagan ang bilang ng taon ng kanilang pananalig sa Diyos, gayundin ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Dahil dito, ang kanilang saloobin kay Cristo, sa ordinaryong taong ito, ay hindi maiwasang lalong bumibigat dahil sa mga kuru-kuro. Kasabay nito, ang hadlang sa kanilang puso para kay Cristo at ang kanilang hinanakit sa Kanya ay tumitindi rin. Kung dala nila ang mga hadlang at kuru-kurong ito habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, dumadalo sa mga pagtitipon, at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, ano ang maaari nilang makamit sa huli? Maliban sa pagtindi ng kanilang mga pagnanais na mapagpala araw-araw, wala silang nakakamit.
Mayroon ba kayong anumang kuru-kuro tungkol kay Cristo? Ang mga hinihingi ng mga tao sa Diyos ang humuhubog sa kanilang mga kuru-kuro tungkol kay Cristo. Saan nagmumula ang mga hinihinging ito? Lumilitaw ang mga ito mula sa mga ambisyon, pagnanais, kuru-kuro, at imahinasyon ng mga tao. Kaya, anong uri ng mga kuru-kuro ang nabubuo ng mga tao? Naniniwala sila na dapat sabihin ni Cristo ang ganito o ganyan, na dapat Siyang magsalita at kumilos sa mga partikular na paraan. Halimbawa, kapag ang isang tao ay nakararamdam ng pagkanegatibo at kahinaan, maaari niyang isipin, “Hindi ba’t ang Diyos ay pagmamahal? Ang Diyos ay tulad ng isang mapagmahal na ina, tulad ng isang mahabaging ama; dapat pagaanin ng Diyos ang loob ng mga tao. Kalimutan na ang Diyos na nasa langit; Siya ay hindi maabot. Ngayong ang Diyos ay pumarito na sa lupa, mayroon nang ganitong madaling akses ang mga tao. Dahil ako ay nakararamdam ng pagkanegatibo, kailangan kong lumapit sa Diyos at ibulalas ang nasa aking puso.” At habang ibinubulalas ang nasa kanilang puso, sila ay lumuluha, sinasabi ang tungkol sa kanilang mga suliranin, kahinaan, at hayagang tinatalakay ang kanilang tiwaling disposisyon. Ano ba talaga ang hinahanap ng mga tao sa kanilang puso? Gusto nilang mapagaan ang loob nila, gusto nilang makarinig ng mga kaaya-ayang salita, gusto nilang magsalita ang Diyos ng mga salitang magpapagaan sa kanilang kalungkutan, magpapasaya sa kanila, magpapagaan ng loob nila, at magpapahinto sa kanilang pakiramdam ng pagkanegatibo. Hindi ba’t ganoon iyon? Lalo na para sa isang partikular na uri ng tao, nagkikimkim sila ng ganitong imahinasyon: “Para sa mga tao, ang kahinaan at pagkanegatibo ay sadyang ganoon lang, ngunit para sa Diyos, maaaring guminhawa nang husto ang pakiramdam ng isang tao sa pamamagitan lamang ng isang pangungusap, lahat ng problema at pighati sa kanilang puso ay agad na mawawala. Ang kahinaan at pagkanegatibo ay maglalaho na parang usok, at maaari silang maging malakas sa harap ng anuman, hindi na magiging mahina o malulugmok sa pagkanegatibo, maninindigan sila sa kanilang patotoo. Kung gayon, hayaang magsalita si Cristo!” Sabihin ninyo sa Akin, ano ang dapat Kong sabihin kapag nahaharap sa gayong sitwasyon? Sa isang banda, kailangan Kong alamin kung bakit nakakaramdam ng pagkanegatibo ang taong ito at kung anong tungkulin ang ginagawa niya; sa kabilang banda, dapat Kong ibahagi ang mga prinsipyo na dapat itaguyod ng isang tao sa proseso ng paggawa sa kanyang tungkulin. Hindi ba’t ito ay malinaw na pagpapaliwanag? Para sa ilan na hangal at matigas ang ulo at hindi tumatanggap sa katotohanan, kinakailangang magsabi ng ilang salita na pangdisiplina upang mapukaw sila, upang hikayatin sila. Kasabay nito, kinakailangan ding ilantad ang kalikasang diwa ng ganitong uri ng tao, upang maunawaan nila ang tungkol sa pagiging laging negatibo at bakit sila ay laging negatibo. Kung sasabihin Kong ang mga taong laging negatibo ay mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, hindi nagmamahal sa katotohanan, gagaan ba ang kanilang kalooban pagkatapos na marinig ito? (Hindi.) Ipagpalagay nating sinabi Ko ito: “Ang pagiging palaging negatibo ay normal. Ito ay pagpapamalas na parang sa bata; ito ay parang isang bata na nagdadala ng mga pasanin ng isang taong nasa hustong gulang na, nagiging laging negatibo dahil sa bigat. Ikaw ay may maliit na tayog, bata, at wala pang gaanong karanasan, kaya kailangan mong matuto nang paunti-unti. Bukod dito, ang iyong mga magulang ay may responsabilidad din; hindi ka nila tinuruan nang maayos, kaya hindi mo ito kasalanan.” Maaari nilang itanong, “Kaya ano itong tiwaling disposisyon ko?” “Ito ay hindi isang tiwaling disposisyon; ito ay dahil lamang sa ikaw ay masyadong bata at nagmula sa isang pamilya na may magandang kapaligiran; ikaw ay pinalaki sa layaw. Pagkalipas ng ilang taon, habang ikaw ay lumalaki, magiging mas maayos ito.” Gagaan ba ang loob nila pagkatapos na marinig ito? Kung yayakapin Ko pa sila nang mahigpit at nagpadala Ako ng ilang positibong enerhiya, hindi ba’t makakaramdam sila ng kasiyahan sa kanilang kalooban? Sa ganitong paraan, mararamdaman nila na naranasan nila ang pagmamahal at init ng Diyos. Ngunit sa pangkaraniwan ay hindi ganito kumilos si Cristo. Maaaring gawin Niya ito para sa mas matatandang bata bilang isang uri ng pagpapagaan ng loob, ngunit para sa bawat taong nasa hustong gulang na, hindi Siya kikilos nang ganito; iyon ay matatawag na panloloko sa isang hangal. Sa halip, magsasalita Siya nang deretsahan, papakitaan ka Niya ng landas, lilinawin kung ano talaga ang nangyayari, at hahayaan kang malayang pumili. Kung anong uri ka ng tao ang nagtatakda sa landas na iyong tatahakin. Kung titingnan ang diwa ng lahat ng ginagawa ni Cristo, hindi Niya nililinlang o nilalaro ang mga tao, ngunit hindi nila ito matanggap. Hindi nila hinaharap ang mga katunayan, ngunit ito ang mismong diwa ni Cristo; maaari lamang Siyang kumilos nang ganito. Kung hindi ito matanggap ng mga tao, hindi ba’t lumilikha ito ng salungatan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos? Kung hindi nila makamit ang kanilang mithiin at kung hindi rin nila tinatanggap ang katotohanan, hindi ba’t lumilikha ito ng hadlang? (Oo.) Ito ay bumabara sa puso ng mga tao. Orihinal na inisip ng mga tao na ang Diyos ay napakamapagmahal, banayad na parang isang ina o lola. Ngunit ngayon, dahil nakikita nilang hindi ganoon ang mga bagay-bagay at dahil hindi sila nakakaramdam ng kahit kaunting init, sila ay nadidismaya. Maaari bang matupad ang kanilang imahinasyon na “isang pangungusap lamang mula kay Cristo ay maaari na akong maalis sa pagkanegatibo”? “Hangga’t dumarating si Cristo upang lutasin ang aking mga problema, ginagarantiya kong makakaramdam ako agad ng init sa loob, at hindi na ako magiging negatibong muli kailanman; ang lahat ay magiging malinaw, at isang landas ang magbubukas.” Makatotohanan ba ang imahinasyong ito? Maaari bang makamit ang mithiing ito? (Hindi.) Samakatwid, sa usaping ito, kung palaging umaasa ang mga tao sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, hindi ito gagana; kailangan nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang isyu.
May mga tao na gumagawa ng mga bagay-bagay nang walang nakakakita, at kapag nakakatagpo nila Ako, sinasabi nila, “Nagawa ko ang kasalanan ng kalaswaan noong kabataan ko.” Sinasabi Ko, “Pakiusap huwag mo nang sabihin sa Akin ito. Manalangin ka nang taimtim sa pribadong lugar at tunay na magsisi, at ang problema ay malulutas, at hindi ito maaalala ng Diyos. Hindi mo kailangan sabihin sa Akin nang harapan; hindi Ko ito inuusisa.” Kapag pinipigilan Ko sila sa pagsasalita, nagsisimula silang mag-isip: “Ikaw ba talaga ang Diyos? Napakasinsero ng aking puso, isang pusong nag-aalab, at binuhusan Mo ito ng malamig na tubig. Gusto ko lang makipag-usap nang taimtim sa Iyo, bakit ayaw Mong makinig? Maganda sana kung nakinig Ka; marami pa akong detalyeng sasabihin.” Sinasabi Ko, “Ang pinakalayunin ng pagtatapat ng iyong mga kasalanan ay ang magsisi, hindi upang isalaysay ang maraming detalye. Kung talagang nagsisi ka mula sa kaibuturan ng iyong puso, hindi mahalaga ang anyo; ang pagdaan sa prosesong ito ay walang silbi. Ang paglilinaw mo sa Akin ng lahat ng detalye at sitwasyon ay hindi nangangahulugang nagsisi ka na. Kung talagang nagsisi ka na, kahit na wala kang sabihin, nagsisi ka pa rin. At kung hindi ka nagsisi, walang silbi kahit magsalita ka tungkol dito.” Hindi nakakaunawa ang ilang tao, iniisip nilang gusto Kong marinig ang lahat, tulad ng kanilang pagiging malaswa, ang pagnanakaw, o pagkondena at pagdidiin nila sa iba bago sila manalig sa Diyos. Iniisip nila na handa Akong makinig sa lahat ng personal na usaping ito, na nais Kong malaman at maunawaan ang pinakamalalim na iniisip ng bawat tao at ang lahat ng mga kilos nila, mabuti man o masama. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Nagkakamali sila. Kailangan Ko lang malaman ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ang kanilang diwa, at ang landas na tinatahak nila; ito ay sapat na upang matugunan ang mahalagang usapin ng kanilang kaligtasan. Hindi na kailangan pang malaman ang tungkol sa buhay sa kasalukuyan o hinaharap ng bawat tao; hindi na kailangan pa ang mga gayong detalye. Inaakala ng mga tao: “Ikaw ay normal at praktikal din. Mayroong ilang bagay na hindi Mo alam, kaya marahil ay gusto Mong malaman ang pinagmulang pamilya ng bawat indibidwal, ang kapaligiran kung saan sila lumaki, at ang mga espesyal na karanasang ito noong lumalaki sila, upang makilala Mo sila nang lubusan para sa layon ng gawain, upang magkaroon ng batayan sa paghatol at paglantad sa kanila.” Ganito ba ito? (Hindi.) Ang ilang tao, na may mga kuru-kuro at imahinasyong ito, ay palaging gustong ibahagi sa Akin ang kanilang mga dating gawa kapag nakakatagpo nila Ako, sinasabi nila, “Naku, hindi Mo alam, ang pamilya ko ay ganito noon….” Sinasabi Ko, “Huwag mong ikuwento ang tungkol sa mga usapin ng iyong pamilya; ibahagi mo ang ilang karanasan mo tungkol sa pananalig sa Diyos.” Ang iba naman ay nagsasabi, “Naku, hindi Mo alam, marami na akong naging karelasyon dati,” o, “Hindi Mo alam kung sino ang idiniin ko noon.” May silbi ba ang sabihin ang mga bagay na ito? (Wala.) Iniisip nila na ang Diyos na nagkatawang-tao ay talagang gustong malaman ang mga bagay na ito, nais maunawaan ang lahat ng kahiya-hiyang kilos ng mga tao at ang iba’t ibang detalye ng lugmok na buhay ng mga tao. Kapag nakakatagpo Ako ng mga gayong tao, sinasabi Ko sa kanila, “Kung gusto mong magtapat at magsisi, manalangin ka sa Diyos nang pribado, huwag mo nang sabihin sa Akin. Ako ay responsable lamang sa pagtuturo sa iyo kung paano gawin nang maayos ang iyong tungkulin at kung paano sambahin ang Diyos sa tunay na buhay, upang matulungan kang makamit ang kaligtasan. Maaari nating pag-usapan ang anumang may kinalaman dito kapag nagkita na tayo, ngunit mas mabuti nang huwag mong banggitin ang mga hindi kaugnay na bagay.” Pagkarinig nito, nagsisimula nang mag-isip ang ilang tao, “Talagang walang pagmamahal ang Diyos, hindi mapagparaya ang Diyos.” Sa kanilang pananaw, anong uri ng tao ang may pagmamahal? Ang isang direktor ng komite ng magkakapitbahay, isang taong partikular na nangangasiwa sa mga pang-araw-araw na maliliit na usapin ng ibang tao. Ako ba ay inaasahang mangasiwa sa mga gayong bagay? Wala Akong pakialam sa mga bagay na iyon! Kung paano ka namumuhay, kung ano ang kinakain at isinusuot mo, kung paano ka kumikita ng pera, ang iyong kalagayang pang-ekonomiya, paano ka nakikitungo sa iyong mga kapitbahay—hindi Ako nakikialam sa anuman sa mga iyan. Ito ang saloobin ng mga tao kay Cristo kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Lalo na kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa mga salita ni Cristo o kapag ang mga salita ni Cristo ay ganap na sumasalungat sa kanila mismong mga kuru-kuro, ang mga anticristo ay hindi bumibitiw sa kanilang mga kuru-kuro o tinatanggap ang katotohanan, hindi rin nila hinihimay ang kanilang mga kuru-kuro o hinahanap ang katotohanan; sa halip, sila ay kumakapit sa kanilang mga kuru-kuro at lihim na kinokondena ang sinasabi ni Cristo sa kanilang puso.
Sa huling panahong ito, isinasakatuparan ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Habang lumalawak ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, lumilitaw ang iba’t ibang gawaing may kinalaman sa iba’t ibang propesyon sa sambahayan ng Diyos, tulad ng mga kaugnay sa musika, pagsusulat, pelikula, at iba pa. Sa panahon ng pagtakbo ng mga gawaing ito, kasangkot din si Cristo sa ilang gawaing may kinalaman sa mga propesyong ito, siyempre, pangunahin sa pamamagitan ng paggabay at pagtukoy sa direksyon ng iba’t ibang gawain; Siya ay gumagawa sa saklaw na ito. Hindi maiiwasang si Cristo ay maaaring hindi pamilyar sa ilang kaalaman o pangkalahatang impormasyon na may kaugnayan sa mga larangang ito, at maaaring may mga bagay na hindi Niya naiintindihan. Hindi ba’t napakanormal nito? Para sa karamihan ng mga tao, ito ay tila ba ganap na normal at hindi isang malaking isyu dahil ang lahat ay nasa proseso ng pag-aaral, at sa ilalim ng paggabay ng Diyos, ang lahat ng uri ng gawain ay maaari lamang bumuti nang bumuti, nang may mas marami at mataas na kalidad na mga produktong nagagawa. Ngunit para sa mga anticristo, ito ay hindi isang maliit na usapin. Sinasabi nila, “Ganap na hindi Ka pamilyar sa isang partikular na larangan, ignorante Ka pa nga rito. Anong karapatan Mong makialam, magturo at maggabay sa amin? Bakit ang Iyong salita ang dapat na masunod? Bakit kailangan naming lahat na makinig sa Iyo? Ang pakikinig ba sa Iyo ay sadyang tama? Hindi ba kami magkakamali ng landas o makagagawa ng pagkakamali sa aming gawain kung makikinig kami sa Iyo? Hindi ako nakakasiguro riyan.” Kapag nagbibigay ng gabay si Cristo sa gawain, ang ilang tao ay hinaharap ito nang may mapagdudang saloobin: “Tingnan muna namin kung may katuturan at nasa tamang saklaw ng kadalubhasaan ang Kanyang sinasabi, at kung ito ay higit sa aming sariling mga ideya. Kung oo, tatanggapin namin ito at susundin ang Kanyang gabay; kung hindi, gagawa kami ng ibang desisyon, maghahanap ng ibang paraan.” Gayumpaman, ang mga anticristo ay nagkikimkim sa kanilang kalooban ng mentalidad ng ganap na pagsuway: “Kami ay mga propesyonal, maraming taon na kaming nagtatrabaho sa larangang ito. Kaya naming tapusin ang gawaing ito nang nakapikit. Ang pagsunod sa gabay Mo ay para lamang makaraos, hindi ba? Bakit kami dapat makinig sa Iyo? Hindi ba’t opisyal na pananalita lamang ang mga mungkahi Mo? Kung makikinig kami sa Iyo, hindi ba’t pagmumukhain lang kami niyon na walang kakayahan? Ngunit ngayon ay nakikinig ang lahat, at hindi ko kayang tumindig at tumutol sa Iyo, dahil maaari akong mapangasiwaan bilang isang anticristo. Kaya, magpapanggap ako nang ilang panahon, magkukunwaring nakikinig, iraraos ko ang mga bagay-bagay, at pagkatapos ay ipagpapatuloy ang dati kong gawa nang walang anumang naaapektuhan.” Kaya kahit paano pa malinaw na ibahagi ni Cristo ang mga katotohanang prinsipyo, gaano man Niya kalinaw na ipaliwanag ang mga bagay, laging may sariling di-nababagong ideya ang mga anticristo at palagi silang naniniwalang naiintindihan nila ang propesyon, na sila ay mga eksperto sa larangan, at kaya hindi nila naiintindihan ang mga katotohanang prinsipyo na ipinangangaral ni Cristo. Tuwing nagbibigay si Cristo ng gabay sa gawaing may kinalaman sa kanilang propesyon, ito ay nagiging pagkakataon para sa mga anticristo na ikumpara ang kanilang mga abilidad at talento kay Cristo. Ang mas masahol pa, kung minsan, kapag nagsasalita si Cristo tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang propesyon, nakikita ito ng mga anticristo bilang pagpapakita ni Cristo ng kamangmangan, at lihim nilang kinukutya at hinahamak si Cristo, nararamdaman nila sa kanilang sarili na mas nagiging mapanlaban at tutol sila sa paggabay ni Cristo sa kanilang gawain. Lubusan silang hindi kumbinsido sa kanilang puso, sinasabi nila, “Sinasabi Mo sa amin na gawin ito at iyon, pero ano ba ang alam Mo? Nauunawaan Mo man lang ba ang iba’t ibang hakbang na kasangkot sa mga larangang ito? Alam Mo ba ang mga partikular na detalye kung paano gumagana ang mga ito? Kapag ginagabayan Mo kami sa paggawa ng pelikula, alam Mo ba kung paano umarte nang tunay o kung paano magrekord ng tunog?” Sa tuwing nahaharap sa mga bagay na ito, ang mga anticristo ay hindi taimtim na nakikinig sa mga katotohanang prinsipyo na kaugnay sa bawat propesyon sa kanilang puso. Sa halip, lihim silang nakikipagtagisan kay Cristo sa kanilang kalooban, tumatayo pa nga sila bilang mga manonood upang kutyain at hamakin si Cristo, puno ang kanilang puso ng pagsuway. Kapag sila ay nagsasakatuparan ng kanilang gawain, sila ay nagpapanggap na dumadaan sa proseso, una ay binabalikan nila ang mga tala ng pagbabahagi ng Diyos upang makita kung ano ang sinabi ng Diyos, at pagkatapos ay nagsisimula na sila sa trabaho, ginagawa ang mga bagay sa dati nilang paraan. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi iyan sinabi ng Diyos, bakit mo ito ginagawa nang ganito?” at sasabihin nila, “Hindi ito sinabi ng Diyos, pero alam ba ng Diyos ang aktuwal na sitwasyon? Hindi ba’t kami ang talagang kailangang gumawa nito? Ano ba ang alam ng Diyos? Nagbigay lang Siya ng prinsipyo, pero kailangan naming pangasiwaan ito ayon sa aktuwal na sitwasyon. Kahit narito pa ang Diyos, kailangan pa rin naming pangasiwaan ito sa ganitong paraan. Nakikinig kami sa mga salita ng Diyos kapag may kinalaman ito sa katotohanan, pero kapag tungkol sa propesyonal na gawain at walang kinalaman sa katotohanan, kami ang nagdedesisyon.” Nakinig sila sa mga katotohanang prinsipyo na ibinahagi ng Diyos, at nagtala tungkol sa mga ito, at ang lahat ay dumaan sa proseso at binalikan ang mga tala, pero pagdating sa kung paano dapat gawin ang mga bagay, sino ang may huling salita? Sa kanilang kaso, hindi ang katotohanan ang may kapangyarihan, lalong wala itong kinalaman sa paghawak ni Cristo ng kapangyarihan. Kaya, sino ang may hawak ng kapangyarihan? Ang isang anticristo ang may hawak ng kapangyarihan; isang tao ang may huling salita. Sa kanilang perspektiba, ang katotohanan ay parang hangin, mga doktrina at mga islogan lang na binabanggit nang kaswal at pagkatapos ay kalilimutan na—ginagawa pa rin ng mga tao ang anumang kailangan nilang gawin, sa paanong paraan man nila gusto. Sa oras na iyon, sila ay pumayag nang napakabait, at ang kanilang saloobin ay tila napakasinsero, pero pagdating sa totoong buhay, nagbabago ang lahat; hindi ito ayon sa inaakala.
Dahil ang mga anticristo ay palaging nagkikimkim ng mga kuru-kuro at ng paglaban sa Diyos na nagkatawang-tao at hindi sila kumbinsido sa loob-loob nila, sa pundamental ay hindi nila kinikilala ang Diyos na nagkatawang-tao sa kanilang puso; nananalig lamang sila sa Diyos na nasa langit. Sila ay tulad lang ni Pablo: Hindi siya tunay na kumbinsido kay Jesus na nagkatawang-tao, kundi puno siya ng mga kuru-kuro. Kaya sa lahat ng mga liham na kanyang isinulat, hindi siya kailanman nagpatotoo kay Jesus, hindi siya kailanman nagpatotoo sa mga salita ni Jesus bilang katotohanan, at hindi niya kailanman tinalakay kung mayroon siyang pagmamahal para kay Jesus. Ito ay mga bagay na nakikita ng mga tao; si Pablo ay isang tunay na anticristo. Ngayon, makikilala ninyo na si Pablo ay isang klasikong halimbawa ng isang anticristo. Kahit pa ang mga kabilang sa kategorya ng mga anticristo ay kinikilala na ang mga salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, magagawa ba nilang tanggapin ang katotohanan? Magagawa ba nilang magpasakop kay Cristo? Magagawa ba nilang magpatotoo kay Cristo? Ibang usapin na iyon. Magagawa ba nilang magpasakop sa lahat ng ginagawa ni Cristo? Kung si Cristo ay nagsasaayos o nag-aatas ng trabaho, ginagabayan ang mga tao kung paano ito gagawin, magagawa bang sumunod ng mga anticristo? Ang usaping ito ay pinakamalinaw na nagbubunyag sa mga tao. Ang mga anticristo ay hindi kayang sumunod; hindi nila pinapansin at minamaliit nila ang mga salita ni Cristo. Samakatwid, anuman ang partikular na gabay na ibinibigay ni Cristo o mga tungkuling inaatas Niya para sa anumang gawain, hindi kailanman ipapatupad ng mga anticristo ang mga ito. Ang mga anticristo ay talagang ayaw magpasakop kay Cristo. Kahit paano isaayos ni Cristo ang gawain, ayaw nilang isakatuparan ito, palagi silang naniniwalang mas matalino ang kanilang sariling mga ideya at iniisip nilang pinakamainam na sundin ang kanilang sariling mga plano. Kung sasabihin mo sa kanila, “Kapag nahaharap sa mga sitwasyon, dapat kayong makipagtulungan sa tatlo o apat na iba pang tao, sumangguni kayo sa isa’t isa, higit pang magbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, at kumilos ayon sa mga prinsipyong iyon nang hindi nilalabag ang mga ito,” makikinig ba sila? Hindi sila nakikinig kahit kaunti; matagal na nilang isinantabi ang mga salitang ito at gusto nilang magkaroon ng huling desisyon. Sasabihin mo sa kanila, “Kung may isyung hindi malutas, maaari kang maghanap mula sa Itaas,” ngunit kapag talagang may problema at iniisip ng lahat na humingi ng patnubay mula sa Itaas, sinasabi ng mga anticristo, “Bakit magtatanong pa tungkol sa napakaliit na bagay? Aabalahin lamang nito ang Itaas. Kaya naming ayusin ito nang kami-kami lang, hindi na kailangang magtanong! Ako ang may huling salita, at ako ang mananagot kung magkakaproblema!” Ang ganda pakinggan ng mga salitang ito, ngunit kaya ba talaga nilang pasanin ang mga kahihinatnan kapag talagang nagkaproblema? Kung ang gawain ng iglesia ay magdusa ng kawalan, makakayanan ba nila ang kahihinatnan? Halimbawa, kung, dahil ang mga lider at manggagawa ay hindi maingat sa pagsasaayos ng mga pagtitipon, ang mga kapatid ay naaresto sa panahon ng pagtitipon, na nagdudulot sa ilan na maging negatibo at mahina at lugmok, sino ang maaaring managot sa gayong responsabilidad? Ang mga anticristo ba ay responsable sa kanilang mga salita? Sila ay lubos na iresponsable! Ito ang saloobin ng mga anticristo sa gawain. Sabihin ninyo sa Akin, kaya ba ng mga anticristo na tunay na tumanggap at magpasakop sa mga salitang sinasabi ni Cristo? (Hindi.) Sa puso ng mga anticristo, ano ang saloobin nila sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop kay Cristo? Isang salita: paglaban. Palagi silang lumalaban. At ano ang disposisyon na napapaloob sa paglaban na ito? Ano ang nagdudulot nito? Pagsuway ang nagdudulot nito. Pagdating naman sa disposisyon, ito ay pagtutol sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng pagsuway sa kanilang puso, ito ay pagtanggi nilang magpasakop. Kaya naman, ano ang iniisip ng mga anticristo, sa mga puso nila, kapag hinihingi ng sambahayan ng Diyos na ang mga lider at manggagawa ay matutong magtulungan nang maayos, sa halip na isang tao lang ang nagdedesisyon ng lahat, na matuto silang magtalakay kasama ang iba? “Napakalaking abala na talakayin sa mga tao ang lahat ng bagay! Kaya kong magdesisyon tungkol sa mga bagay na ito. Ang pakikipagtulungan sa iba, pakikipagtalakayan sa kanila, paggawa ng mga bagay ayon sa prinsipyo—napakahina at nakakahiya!” Iniisip ng mga anticristo na naiintindihan nila ang katotohanan, na malinaw ang lahat sa kanila, na mayroon silang sariling kabatiran at paraan ng paggawa ng mga bagay, kaya hindi nila kayang makipagtulungan sa iba, hindi nila tinatalakay sa mga tao ang kahit na anong bagay, ginagawa nila ang lahat sa sarili nilang pamamaraan, at hindi sumusuko sa kahit na sino! Kahit na pasalitang sinasabi ng mga anticristo na handa silang magpasakop at handang makipagtulungan sa iba, kahit na gaano pa kaganda ang mga sagot nila sa panlabas, gaano kasarap pakinggan ang mga salita nila, hindi nila kayang baguhin ang mapaghimagsik nilang kalagayan, hindi nila kayang baguhin ang kanilang mga satanikong disposisyon. Sa kalooban nila ay lubha silang salungat—gaano kalubha? Kung ipapaliwanag sa lengguwahe ng kaalaman, ito ay isang sitwasyon na nangyayari kapag ang dalawang bagay na may magkaibang kalikasan ay pinagsasama: pagkasuklam, na maaari nating ipakahulugan bilang “pagsalungat”. Ito mismo ang disposisyon ng mga anticristo: paglaban sa Itaas. Gusto nilang nilalabanan ang Itaas at wala silang sinusunod.
Kapag naharap ang mga anticristo sa mga salita ni Cristo, ay may iisang saloobin lamang sila: ang pagsuway; at ang kanilang tanging paraan ay pagsalungat. Halimbawa, sinabi Ko, “Malaki ang ating bakuran at kulang sa lilim. Sa taglamig, nagniningning ang araw sa buong paligid, na nagbibigay-daan sa mga tao na magpaaraw, ngunit nagiging mainit ito sa tag-araw. Bumili tayo ng ilang puno, mga puno na mabilis tumubo at magbibigay ng sapat na lilim sa hinaharap, at na medyo malinis at maganda.” Ilan ang mga prinsipyo rito? (Tatlo.) Ang isa ay na ang mga puno ay mabilis tumubo, ang isa pa ay na ang mga puno ay malinis at medyo maganda, at ang isa pa ay na magbibigay ang mga ito ng sapat na lilim sa hinaharap, ibig sabihin, dapat ang mga ito ay may makakapal na sanga at dahon. Kailangan lamang sundin ng mga tao ang tatlong prinsipyong ito; kung ilan ang bibilhin, saan itatanim, at anong uri ng mga puno, sinabi Ko na rin sa kanila. Madali bang ipatupad ang gawaing ito? (Oo.) Itinuturing ba itong isang mahirap na gawain? (Hindi.) Hindi ito mahirap na gawain. Bakit hindi ito mahirap? May mga lugar na nagbebenta ng mga puno, nagbibigay ang sambahayan ng Diyos ng pondo, at ang mga pangunahing kondisyon para sa pagbili ng mga puno ay natutugunan na. Ang natitira na lang ay ang isakatuparan ito ng mga tao; wala namang mahirap sa gawaing ito. Ngunit para sa isang anticristo, may isang suliranin: “Ano? Bumili ng mga puno? Gumastos ng pera para lang sa lilim at para mas pagandahin ang kapaligiran? Hindi ba’t ito ay pagpapakasasa sa kaginhawaan ng laman? Ang pera na iyon ay handog sa Diyos, maaari bang gastusin ito nang ganoon na lang? Ano ang masama sa kaunting init? Ang araw ay nilikha ng Diyos; mamamatay ka ba kung magpapaaraw ka? Iyon ang tinatawag na pagsasaya sa sinag ng araw at sa ulan. Kung ayaw mong magpaaraw, manatili ka sa loob ng bahay. At ngayon gusto mong gumastos ng pera para sa kaginhawaang ito—nananaginip ka siguro nang gising!” Pinag-iisipan nila: “Hindi ako ang may huling salita sa usaping ito; kung direkta kong tututulan ito, hindi maganda iyon. Maaari akong makondena, at maaaring hindi sumang-ayon ang iba. Kaya, iuulat ko ito sa grupo ng mga taga-desisyon. Saka, pinakamainam na hayaan ang mga kapatid na magpahayag din ng kanilang mga opinyon. Kung ang grupo ng mga taga-desisyon ay sumang-ayon, saka lang kami bibili ng mga puno; kung hindi, kahit pa sumang-ayon ang mga kapatid, hindi kami bibili.” Tinipon nila ang lahat, binanggit ang usapin, at pagkatapos ay hinayaan ang lahat na magtalakay at magpahayag ng kanilang mga opinyon. Sinasabi ng lahat, “Ang pagbili ng mga puno ay magandang bagay; makikinabang ang lahat.” Narinig ito ng anticristo at sinabi nito, “Paano ito nagiging magandang bagay? Ayos lang ba ito dahil lang sa makikinabang ang lahat? Kaninong pera ang pinakikinabangan ng lahat? Iyon ay paggasta ng pera ng Diyos; hindi ba’t iyon ay paglulustay ng mga handog? Naaayon ba ito sa mga prinsipyo?” Pinag-isipan ito ng lahat: “Ang paglulustay ng mga handog para sa kapakinabangan ng lahat, para sa mga interes ng mga tao, parang hindi nga yata tama iyon.” Matapos ang mga talakayan, ang pinal na desisyon ay huwag bumili ng mga puno. Ang pera ay kailangang ipunin; kahit sino pa ang mag-utos, hindi ito magagawa. Pagkatapos ng gayong talakayan, isang kongklusyon ang nabuo. Ano ang kongklusyon? “Tungkol sa utos ni Cristo sa pagkakataong ito, ang aming huling desisyon ay ang tutulan ito; hindi namin gagastusin ang mga handog o sasayangin ang kahit isang kusing ng pera ng sambahayan ng Diyos. Sa kongkretong pananalita, ito ay nangangahulugang hindi kami bibili ng mga puno, hindi namin gagawing luntian ang bakuran.” Ito ang naging desisyon. Makalipas ang ilang araw, napansin Kong hindi pa rin nabibili ang mga puno, kaya tinanong Ko, “Bakit hindi pa kayo bumili ng mga puno?” “Ah, gagawin namin iyon agad.” Nang dumating na ang panahon at ang mga puno ng iba ay nagsipag-usbungan na, bakit wala pa rin silang binibili? Nang magtanong Ako, nalaman Kong matapos magtalakayan, hindi sila sumang-ayon na bumili ng mga puno; walang saysay ang Aking mga salita. Matapos magpulong, magtalakayan, at magsuri, nagkaisa ang lahat na tutulan ang Aking utos, na nangangahulugang: “Kami ang may huling salita dito. Tumabi Ka. Ito ang aming sambahayan, wala Kang kinalaman dito.” Anong uri ng paraan ito? Hindi ba’t pagtutol ito? Hanggang sa anong antas ang kanilang pagtutol? Mayroon silang batayan, sinasabi nilang hindi nila sasayangin kahit isang kusing ng pera ng sambahayan ng Diyos, hindi gagastusin ang mga handog ng Diyos. Ano ang palagay ninyo sa batayang ito? Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Madalas, ang mga nagsasayang at naglulustay sa mga handog ay ang mismong mga anticristong ito. Gusto nilang sila ang may huling salita, kaya nag-iimbento sila ng gayong mga teorya upang ilihis ang mga hangal, ignorante, at walang pagkilatis. At sa katunayan, may ilang tao na nalilinlang dito at kumikilos ayon sa kanilang mga salita, habang ang mga salita ni Cristo ay ginugulo at sinasabotahe ng mga anticristo, na nagiging sanhi ng pagkaantala sa pagpapatupad. Ano ang ugat ng problemang ito? Ang susi ay nasa hindi pagkakita ng mga hinirang ng Diyos sa pagpapaimbabaw ng mga anticristo, palagi silang nalilihis ng paimbabaw na aspekto ng mga bagay-bagay, nabibigo silang makita ang diwa ng mga bagay-bagay. Ang mga anticristo ay tiranikong nagiging hadlang sa mga taong ito, na nagiging sanhi upang ang ilang taong walang pagkilatis sa mga taong hinirang ng Diyos ay madalas na malihis at makontrol ng mga ito.
Sa bawat partikular na pagsasaayos ng gawain at utos ni Cristo sa iglesia, kung walang mga anticristo na nagdudulot ng kaguluhan, mabilis na maisasakatuparan ang mga ito. Gayumpaman, kapag nakialam na ang isang anticristo, naaantala na ang gawain at hindi na maisasakatuparan. Minsan, ang mga pagsasaayos at utos na nilalayon ni Cristo na isakatuparan ng mga tao ay tahasang tinatanggihan ng mga anticristo dahil sa ilang kadahilanan. Sa paggawa niyon, gumagamit sila ng paraan ng pagpapasya na kasangkot ang lahat, sinasabi nila, “Ito ay napagbotohan ng mga kapatid; ito ang resulta ng kolektibong desisyon, hindi lamang ako ang nagdesisyon.” Ano ang ipinapahiwatig nito? Ipinapahiwatig nito na ang mga resolusyon ng mga kapatid ay naaayon sa katotohanan, at na kapag lumilitaw ang isang isyu, ang kolektibong desisyon ng mga kapatid ay nangangahulugang ang katotohanan ang may kapangyarihan. Ngunit kapag ang isang anticristong namamahala ay tumututol sa sinasabi ni Cristo, ito ba ang pagiging may kapangyarihan ng katotohanan? Malinaw na, sa katunayan, ang anticristo ang may kapangyarihan. Hindi ba’t katawa-tawa at mapanlinlang na sabihing ang katotohanan ang may kapangyarihan kung ang isang anticristo ang kumokontrol sa buong sitwasyon? Ang mga anticristo ay tunay na bihasa sa pagbabalatkayo! Kapag hinihiling ni Cristo na ipatupad nila ang isang bagay, at ipinaalam sa lahat na ito ay gawa ng Diyos, na Siya ay kumikilos nang may konsiderasyon para sa lahat, at ang lahat ay nagpapasalamat sa biyaya ng Diyos, ito ay ikinadidismaya at ikinaaasiwa ng mga anticristo. Pagkatapos, pinipiga nila ang kanilang utak sa kakahanap ng mga paraan upang manggulo at manabotahe. Gayumpaman, kung nagkusa sila at sa huli ay lubos na nagpapasalamat at nagpapahalaga sa kanila ang lahat, mas masigasig pa nilang ipatutupad ito kaysa sa sinuman, handa silang magtiis ng anumang pagdurusa. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang gayong mga taong tulad ng mga anticristo? (Oo.) Anong uri ng disposisyon ito? (Isang buktot na disposisyon.) Ang mga anticristo ay may kakayahang magbalatkayo, nagpapanggap silang mabuting tao upang ilihis at akitin ang iba, nagpapanggap pa nga silang isinasagawa nila ang katotohanan. Ito ay kabuktutan. Anong katotohanan ang isinasagawa mo? Tinatanggihan mo ang mga salita at utos na ibinigay ni Cristo, hindi mo kayang magpasakop sa mga ito at ipatupad ang mga ito. Nasaan ang katotohanan na sinasabi mong isinasagawa mo? Isa ka bang mananampalataya sa Diyos? Itinuturing mo ba ang Diyos bilang Diyos? Ang Diyos na sinasampalatayanan mo ay hindi mo kasamahan, hindi mo katrabaho, hindi mo kaibigan; Siya ay si Cristo, Siya ang Diyos! Hindi mo ba ito nakikita? Palagi mong sinusuri at sinisiyasat ang mga salita ni Cristo, sinusubukang kilatisin ang katumpakan ng mga ito, tinitimbang ang mga positibo at negatibo—hindi ba’t mali ang iyong nagiging posisyon? Ang mga anticristo ay bihasa sa pagsisiyasat at pagsusuri sa mga salita ng mga tao, at sa huli ay nagagamit nila kay Cristo ang walang tigil na pagsisiyasat na ito. Sinisiyasat at tinatrato nila si Cristo sa ganitong paraan—sila ba ay mga tagasunod ng Diyos? Hindi ba’t sila ay mga hindi mananampalataya? Palagi nilang sinisiyasat si Cristo, ngunit kaya ba nilang maunawaan ang banal na diwa ni Cristo? Habang lalo nilang sinisiyasat si Cristo, lalo silang nagdududa, sa huli ay itinuturing na nila si Cristo bilang isang ordinaryong tao. May natitira pa bang tunay na pananampalataya o pagpapasakop sa kanila? Walang-wala. Sa puso ng isang anticristo, si Cristo ay itinuturing lamang na isang ordinaryong tao. Ang pagturing nila kay Cristo bilang isang tao ay tila natural sa kanila, kaya pakiramdam nila ay maaari nilang balewalain ang mga salita at utos ni Cristo, hindi nila isinasapuso ang mga ito kundi binabanggit lamang upang matalakay at masiyasat sa mga pagtitipon. Sa huli, ang nagdedesisyon kung paano isasagawa ang mga bagay ay ang anticristo, hindi ang Diyos. Gaano na kababa ang tingin nila kay Cristo? Ang tingin nila sa Kanya ay isa lamang ordinaryong lider, na hindi itinuturing si Cristo bilang Diyos. Hindi ba’t ito ay kapareho ng kalikasan ng pananampalataya ni Pablo sa Diyos? Hindi kailanman itinuring ni Pablo ang Panginoong Jesus bilang Diyos, hindi kailanman kinain at ininom ni Pablo ang mga salita ni Jesus, ni nagpasakop sa Panginoong Jesus. Palagi niyang iniisip na para sa kanya, ang mabuhay ay si cristo, na sinusubukang palitan ang Panginoong Jesus, at sa huli, natanggap niya ang parusa ng Diyos. Dahil tinanggap mo na si Cristo ay ang Diyos na nagkatawang-tao, dapat kang magpasakop kay Cristo. Anuman ang sabihin ni Cristo, dapat kang tumanggap at magpasakop, huwag mong siyasatin at talakayin kung ang mga salita ng Diyos ay tama ba o naaayon sa katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay hindi para suriin at siyasatin mo, dapat kang magpasakop sa mga ito at dapat mong ipatupad ang mga ito. Kung paano isasagawa ang mga bagay at kung paano matutukoy ang mga hakbang ng pagpapatupad—saklaw na iyon ng inyong pagbabahaginan at talakayan. Dahil, sa puso nila, laging pinagdududahan ng mga anticristo ang banal na diwa ni Cristo, at laging may masuwaying disposisyon, kapag hinihiling sa kanila ni Cristo na gawin ang mga bagay-bagay, lagi nila itong sinisiyasat at tinatalakay, at tinatanong ang mga tao kung tama ba ang mga ito o mali. Malubhang problema ba ito? (Oo.) Hindi nila hinaharap ang mga bagay na ito mula sa pananaw ng pagpapasakop sa katotohanan; sa halip, hinaharap nila ito nang salungat sa Diyos. Ito ang disposisyon ng mga anticristo. Kapag naririnig nila ang mga utos at pagsasaayos ng gawain ni Cristo, hindi nila tinatanggap ang mga ito at hindi sila nagpapasakop sa mga ito, sa halip ay nagsisimula silang magtalakayan. At ano ang tinatalakay nila? Tinatalakay ba nila kung paano isagawa ang pagpapasakop? Tinatalakay nila kung ang mga salita at utos ni Cristo ay tama o mali, at sinusuri nila kung dapat ba itong isagawa o hindi. Ang saloobin ba nila ay saloobin na gusto talagang isagawa ang mga bagay na ito? Hindi—gusto nilang hikayatin ang mas maraming tao na maging tulad nila, na huwag gawin ang mga bagay na ito. At ang hindi ba paggawa ng mga ito ay pagsasagawa ng katotohanan ng pagpapasakop? Malinaw na hindi. Kaya ano ang ginagawa nila? (Sumasalungat.) Hindi lang sila sumasalungat sa Diyos, naghahanap pa sila ng sama-samang pagsalungat. Ito ang kalikasan ng kanilang mga kilos, hindi ba? Sama-samang pagsalungat: itinutulad nila sa kanila ang lahat, itinutulad sa pag-iisip nila ang pag-iisip ng lahat, sinasabi ang sinasabi nila, nagdedesisyon nang gaya nila, sama-samang nilalabanan ang mga desisyon at utos ni Cristo. Ito ang modus operandi ng mga anticristo. Ang paniniwala ng mga anticristo ay, “Hindi ito krimen kung ginagawa ito ng lahat,” kaya hinihikayat nila ang iba na sumalungat sa Diyos kasama niya, iniisip nila na sa ganitong sitwasyon, walang magagawa ang sambahayan ng Diyos sa kanila. Hindi ba’t kahangalan ito? Ang sariling abilidad ng mga anticristo na salungatin ang Diyos ay napakalimitado, wala silang kasama. Kaya sinusubukan nilang manghimok ng mga tao upang sama-samang labanan ang Diyos, iniisip sa kanilang puso na “Ililihis ko ang isang grupo ng mga tao, at pag-iisipin at pakikilusin sila nang katulad ko. Sama-sama naming tatanggihan ang mga salita ni cristo, at hahadlangan ang mga salita ng diyos, at pipigilan ang mga ito na maisakatuparan. At kapag may taong dumating upang suriin ang gawain ko, sasabihin kong desisyon ng lahat na ganito ang gawin—at pagkatapos ay titingnan natin kung paano mo haharapin iyon. Hindi ko ito gagawin para sa iyo, hindi ko ito isasagawa—at tingnan natin kung ano ang gagawin mo sa akin!” Iniisip nila na may kapangyarihan sila, na walang magagawa ang sambahayan ng Diyos upang pangasiwaan sila, at pati si Cristo ay wala ring magagawa. Ano sa tingin ninyo, madali bang pangasiwaan ang gayong tao? Paano dapat pangasiwaan ang ganitong uri ng tao? Ang pinakasimpleng paraan ay ang tanggalin at imbestigahan sila. Sa sandaling ibunyag ng isang diyablo ang sarili nito, itiwalag ito sa isang sipa lang, at tapos na ang lahat. Tinutulutan ka ng sambahayan ng Diyos na maging lider, pero hindi ka nagpapasakop at naglalakas-loob ka pang salungatin ang Diyos; hindi ba’t isa kang diyablo? Itinatalaga ka ng sambahayan ng Diyos na mamuno para gumawa ka ng aktuwal na gawain, upang magpasakop ka sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at upang magampanan mo nang maayos ang tungkulin mo. Dapat kang tumanggap at magpasakop sa mga salita ng Diyos; anuman ang sabihin ng Diyos, dapat mong tanggapin at ipatupad ang Kanyang mga salita, huwag mo Siyang salungatin. Ginawa mong tungkulin mo ang pagsalungat sa Diyos—kung gayon, pasensiya na, ngunit ang pagtatanggal sa iyo ang pinakasimpleng solusyon. Ang sambahayan ng Diyos ay may awtoridad na gamitin ka at may awtoridad ding tanggalin ka. Sinasabi ng ilang tao, “Maayos naman ang aking pagganap bilang lider, bakit ako tinanggal? Hindi ba’t ito ay parang pagpatay sa asno sa sandaling tapos na ito sa paggiling ng butil?” Talaga bang maayos ang iyong pagganap nang ikaw ay tinanggal? Ang isang asno na naninipa at nangangagat nang walang dahilan, at hindi tumututok sa tamang gawain kahit paano pa ito sanayin, ay talagang kailangang patayin pagkatapos nitong “gilingin ang butil.” Tungkol sa kung kailan ito papatayin, depende ito sa pagganap nito. Sabihin mo sa Akin, may sinuman bang gugustuhin na patayin ang isang mabuting asno? Sa panahon ng paggiling, ang asno ang pinakamahalaga at pinaka-importanteng katulong. Kapag ito ay kailangang-kailangan, may sinuman bang mangmang na papatayin ang asno, ihihinto ang paggiling, at mas pipiliing mamuhay nang walang butil? Mayroon bang gumagawa ng ganoon? (Wala.) Mayroon lamang isang sitwasyon kung saan mangyayari ito: Ang asno ay ayaw sumunod sa pagsasanay at patuloy na naninipa at nangangagat nang walang dahilan, kaya nagiging imposible na itong makagiling ng kahit ano. Saka mo kailangang ihinto ang paggiling at patayin ang asno, tama ba? (Oo.) Ang mga may pagkilatis sa bagay na ito ay malinaw itong makikita. Kaya, paano dapat pangasiwaan ang mga anticristong hindi sumusunod, matigas ang ulo, at hindi isinasagawa ang anumang gawain? Ang pinakasimpleng paraan ay ang tanggalin muna sila sa kanilang posisyon. May ilang tao na nagtatanong, “Ang pagtatanggal ba ay katapusan na?” Bakit kailangang magmadali? Obserbahan ang kanilang kilos. Kapag sila ay tinanggal at nawalan ng kapangyarihan, kung nakakapagtrabaho pa rin sila sa sambahayan ng Diyos, hindi sila patatalsikin. Pero kung hindi sila nagtatrabaho at sa halip ay lalo nilang pinalalala ang mga bagay sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro, paggawa ng masama, at paglikha ng kaguluhan sa lahat ng dako, kung gayon, ayon sa mga prinsipyo, sila ay dapat na patalsikin. Sa pangkalahatan, kasuklam-suklam ang mga bagay na ito na ipinapamalas ng mga anticristo? (Lubhang kasuklam-suklam ang mga ito.) At ano ang nakakasuklam sa mga ito? Nais ng mga anticristo na ito na agawin ang kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos; hindi nila maisasakatuparan ang mga salita ni Cristo, hindi nila ito isasagawa. Siyempre, maaaring may isa pang uri ng sitwasyon na sangkot kapag hindi makapagpasakop ang mga tao sa mga salita ni Cristo: Ang ilang tao ay mahina ang kakayahan, hindi nila naiintindihan ang mga salita ng Diyos kapag naririnig nila ito, at hindi nila alam kung paano ito isasagawa; kahit na turuan mo sila kung paano, hindi pa rin nila kaya. Ibang usapan ito. Ang paksa na pinagbabahaginan natin ngayon ay ang diwa ng mga anticristo, na walang kinalaman sa kung kaya ba ng mga taong gumawa ng mga bagay, o kung ano ang kakayahan nila; may kinalaman ito sa disposisyon at diwa ng mga anticristo. Sila ay ganap na sumasalungat kay Cristo, sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa mga katotohanang prinsipyo. Wala silang pagpapasakop, tanging paglaban. Ganito ang isang anticristo.
Ikonsidera at kilatisin ninyo kung alin sa mga nabanggit na mga pagpapamalas ng mga anticristo ang sumusunod na sitwasyon. May isang lider na gumagawa araw-araw mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, na tila responsable. Ngunit bihira siyang makita, na nagbibigay ng impresyon na siya ay abala sa trabaho at hindi tamad, tila nagbabayad siya ng halaga upang gawin ang kanyang tungkulin. Kalaunan, noong may gawain na kailangang gawin sa kanilang tirahan at bakuran, nagsaayos kami ng isang tao upang gabayan sila sa trabaho. Kapag wala kami, dapat sana ay siya ang humalili upang tumulong sa paggabay at maging responsable sa gawain; dapat sana ay nagkusa siya. Hindi ba’t makatwiran at naaangkop ito? Kailangan bang palagi Akong naroon upang pangasiwaan ang mga gawaing bahay at mga tungkulin? (Hindi.) Kadalasan, ang ganitong uri ng mga trabahong pisikal ay wala talagang kaugnayan sa katotohanan. Ang mga tao ay kailangan lamang magtrabaho nang masigasig, huwag makisali sa mga mapanirang kilos, maging masunurin, at gawin ang hinihiling sa kanila—ito ay simple lang at madaling maisakatuparan. Kalaunan, nang ang mga gawain sa lugar na iyon ay tapos na, ngunit kailangan pa rin ng tuluy-tuloy na pamamahala, ipinasa Ko ang responsabilidad sa lider na ito. Sinabi Ko sa kanya na panatilihing malinis ang lugar, na siguraduhin niyang maayos ang lahat ng kailangang pangalagaan. Mayroong dalawang pangunahing bagay: Una, panatilihing malinis at maayos sa loob at labas ang lahat ng lugar. Pangalawa, alagaan nang mabuti ang mga halaman; halimbawa, diligan ang mga bagong tanim upang hindi mamatay ang mga ito, tabasan ang mga ito ayon sa panahon at sa paglaki ng mga ito, at lagyan ng pataba ang mga ito kapag kailangan. Ito lamang dalawang gawaing ito—sa tingin ba ninyo ay marami iyon? Nakakapagod ba iyon? (Hindi.) Ang dalawang gawaing ito ay hindi marami; kaya itong tapusin sa pamamagitan lamang ng paglalakad pagkatapos kumain. Bukod dito, hindi ba’t kailangan mo ring pangalagaan ang iyong sariling kapaligiran? Ganito lang talaga ang pamumuhay bilang tao; ang ganitong uri ng mga gawain ay mahalaga sa normal na buhay ng tao. Kailangan mong pamahalaan ang iyong sariling kapaligiran. Kung hindi, hindi ka naiiba sa mga hayop. Matatawag ka pa rin bang tao kung gayon? Ang mga hayop ay hindi pinamamahalaan ang kanilang mga kapaligiran; wala silang mga itinalagang lugar para sa mga pangangailangan ng kanilang katawan, ni wala silang mga itinalagang lugar para sa kanilang pagkain at pagtulog. Ang mga tao ay mas mataas kaysa sa mga hayop sa aspektong ito; pinamamahalaan ng mga tao ang kanilang kapaligiran, nagmamalasakit sila sa kalinisan, at may mga pamantayan para sa kanilang kapaligiran. Kaya, hindi labis ang hinihingi Ko sa kanya, hindi ba? (Tama.) Matapos italaga ang mga gawaing ito, umalis Ako patungo sa ibang lugar, at ang lider ang dapat na magpatuloy ng mga partikular na gawain. Isang araw, bumalik Ako upang suriin kung paano pinamamahalaan ang kapaligiran, at habang papunta Ako, nakaramdam Ako ng pasakit, pagkainis, at galit! Ano sa tingin ninyo ang nangyari? Ano ang maaaring maging dahilan ng ganitong mga emosyon? (Hindi niya isinakatuparan ang mga utos at pagsasaayos ng Diyos.) Mismo, iyon lang ang tamang paraan ng paglalarawan dito—hindi niya isinakatuparan ang mga ito. Sa panahon na wala Ako, ang panahon ay hindi naman masyadong tuyo, ngunit marami sa mga bagong tanim na puno ang nanilaw na ang mga dahon, ang ilan ay nalalagas pa. Ang nakakagalit pa, mula sa malagong berde, ang mga dahon ng dalawang sikat na puno ng bulaklak ay naging kulay ube na pula, halos naninilaw na. Nagagalit ba kayo kapag naririnig ito? Ang mas nakakagalit pa, ang malinis na sementadong tuntungan sa may pasukan ay may mga kalat na basket, plastic bag, basura, mga piraso ng kahoy mula sa natapos na trabaho, mga pako, mga kasangkapan—lahat ay nakakalat, kaya marumi at magulo ang kapaligiran! Sino ba ang hindi magagalit sa ganitong tanawin? May isang uri lamang ng tao ang hindi magagalit—iyong mga parang hayop, na walang pamantayan o hindi sensitibo sa kanilang kapaligiran, walang pakialam sa amoy, kalinisan, o ginhawa, at ganap na walang alam kung ano ang mabuti o masama. Ang sinumang may normal na pagkatao, na may pamantayan para sa kanilang kapaligiran at may kakayahang mag-isip, ay magagalit kapag nakakita ng gayong kondisyon. Isang malaking grupo ng mga tao ang naninirahan doon, ngunit hindi nila magawang asikasuhin ang ganito kaliit na gawain. Anong uri ng mga tao sila? Matapos Kong magbigay ng mga tagubilin, ganito nila tinrato ang lugar, ganito ang ginawa nila rito. Ang pamamahala sa kapaligiran dito at pag-aasikaso sa ilang bagay na ito ay hindi nakakapagod, hindi ba? Hindi ito nakakahadlang sa alinman sa inyong mga aktibidad, hindi ba? Hindi nito naaapektuhan ang iyong mga pagtitipon, panalangin, o pagbabasa ng salita ng Diyos, hindi ba? Kaya bakit hindi ito magawa? Kapag narito Ako, na nangangasiwa at nagbabantay, gumagawa ang mga taong ito, ngunit sa sandaling umalis Ako, tumitigil sila; walang umaako ng responsabilidad. Ano ang nangyayari dito? Itinuturing ba nila ang lugar na ito bilang kanilang tahanan? (Hindi.) Sinasabi pa rin nila na ang kaharian ni Cristo ang kanilang mainit na tahanan, ngunit ganoon ba talaga ang iniisip nila? Ganoon ba talaga sila kumikilos? Hindi. Hindi man lang nila pinamamahalaan ang kapaligirang tinitirhan nila. Kahit na nagbilin Ako sa kanila, walang umaako ng responsabilidad, at walang nagmamalasakit. Kapag sinabi sa kanila na magtrabaho, gumagawa sila ng kaunti, ngunit pagkatapos ng trabaho, basta na lang nilang itatapon sa tabi ang mga kasangkapan, iniisip nila, “Kung sinuman ang may pakialam, siya na ang bahala rito, hindi ko na problema ito. Hangga’t may pagkain at tirahan ako, ayos na ako.” Anong klaseng pagkatao ito? Anong uri ng moralidad? Ang gayong tao ba ay may kaunting normal na pagkatao man lang? Ang manalig sa Diyos sa loob ng napakaraming taon nang walang anumang pagbabago ay tunay na hindi kapani-paniwala! Labis ang naging pagsisikap Ko upang gawin ang mga bagay na ito para sa inyo, inayos Ko ang lahat nang napakaganda. Hindi Ako naninirahan dito, hindi Ko tinatamasa ang anuman sa mga ito—lahat ito ay para sa inyo. Hindi ninyo kailangang maging mapagpasalamat; pamahalaan lang ninyo ang inyong sariling kapaligiran at ayos na iyon—bakit napakahirap gawin niyon? Kalaunan, napagtanto Ko na may dahilan ang ganitong pag-uugali. Ang mga tao ay pumupunta sa sambahayan ng Diyos, iniwan man nila ang kanilang mga pamilya at propesyon o iniwan ang kanilang mga pag-aaral at mga plano sa hinaharap, upang gawin ang kanilang tungkulin, hindi upang maging mga pangmatagalang manggagawa para sa Akin. Bakit? Hindi sila tumatanggap ng kahit isang kusing, kaya bakit dapat silang makinig sa Akin? Bakit dapat nilang pamahalaan ang kapaligiran para sa Akin? Bakit dapat nilang gugulin ang ganitong pagsusumikap para sa Akin? Ganito sila mag-isip. Pakiramdam nila, ang paggawa ng kanilang sariling gawain nang mabuti at pagtupad sa kanilang mga tungkulin ay sapat na, na ang pag-aasikaso sa mga bagay na saklaw ng kanilang trabaho ay kumukumpleto na sa kanilang mga responsabilidad. Anumang iba pa na Aking hinihiling, basta’t nauugnay ito sa kanilang mga tungkulin at propesyon, ay maaari nilang ikonsidera, ngunit ang iba ay dapat Kong hanapan ng ibang tao na gagawa. Ang ipinahihiwatig na mensahe ay, “Kami ay mga tao ng kaharian; paano namin magagawa ang ganito karumi at kanakakapagod na trabaho? Kami ay mga tao na mataas ang uri; ang palaging pagpapagawa sa amin ng mga mababa at nakakahamak na gawain ay nakakasira sa aming imahe! Kami ay mga tao ng isang partikular na pagkakakilanlan, bakit mo kami laging pinahihirapan?” Pagkatapos Kong maunawaan ito, nagkaroon Ako ng ilang kabatiran kung bakit karamihan sa mga tao ay tutol, laban sa pagtatrabaho, at ayaw magtrabaho, kung bakit nila ikinukumpara ang sarili nila sa iba at kung bakit sila nanlalansi upang iwasan ang kanilang mga tungkulin kapag sila ay gumagawa—ito ay dahil karamihan ay hindi hinahangad ang katotohanan. Ang hindi paghahangad sa katotohanan ay isang pangkaraniwang kasabihan, ngunit sa realidad, maraming tao ang likas na gustong maging komportable at kinamumuhian nila ang paggawa. Dagdag pa na kontrolado sila ng mentalidad na makaraos lang, naniniwala sila na ang paghahangad sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagtitipon, pag-uusap, at pagtatalakay, tulad lamang sa bansa ng malaking pulang dragon kung saan ang mga tao ay palaging nagpupulong, nagbabasa ng mga diyaryo, at umiinom ng tsaa—iyon, sa kanilang palagay, ang pananalig sa Diyos at paggawa sa kanilang tungkulin. Sa sandaling mapag-usapan ang tungkol sa paggawa at pagtratrabaho nang tulad ng mga magsasaka, marami ang naniniwala na ang pamumuhay nang ganito ay walang kinalaman sa atin bilang mga Kristiyano. Ang buhay ng isang Kristiyano ay hiwalay sa “mabababang kasiyahan.” Sa loob-loob nila, naniniwala sila na hindi para sa kanila ang mga pangkaraniwang gawain sa mundo—ang paglilinis, pagkontrol ng peste, pagsasaka, pagtatabas, pagtatanim ng mga bulaklak, at iba pa ay pawang walang kinalaman sa kanila; matagal na nilang nalampasan ang gayong mabababang uri ng pamumuhay. Hindi ba’t ganito ang kalagayan ng karamihan sa mga tao? (Oo.) Madali bang ituwid ang ganitong uri ng kalagayan? May ilang tao, na kapag inatasang pag-aralan ang pagpapatakbo ng makina, ay hindi ito sineseryoso at sadyang ginagamit nang mali ang makina, kaya nasisira ang makina sa loob lamang ng ilang araw. Ang mga bagong biling makina ay nasisira, at hindi maliit ang gastos sa pagpapaayos ng mga ito. Iniisip nila: “Hindi ba’t sinabihan Mo ako na mag-aral? Ngayong nasira ko na ang makina at wala nang makinang natitira, mayroon na akong dahilan upang magpahinga, hindi ba? Hindi ko na kailangang magtrabaho, hindi ba? Palagi mong hinihingi sa akin na matuto, at ito ang resulta. Ito ba ang gusto Mong makita?” Ang gastos sa pagpapaayos ng ilang makina ay halos katumbas ng pagbili ng bago. Ang ilang tao ay hindi nalulungkot o nakokonsensiya man lang pagkatapos na magkamali nang gayon. Kapag ikinumpara mo ito sa naunang nabanggit na kuru-kuro ng “hindi paggastos ng kahit isang kusing sa pera ng sambahayan ng diyos, dahil ito ay isang handog sa diyos,” aling pahayag ang sinalita nang taos, at aling pag-uugali ang realidad? Sinisira nila ang makina, at ang gastos sa pagpapaayos ay sapat na upang bumili ng bagong makina. Ang maaksayang pag-uugali na ito ang realidad, habang ang pahayag tungkol sa hindi pag-aaksaya ng mga handog ay huwad, mapanlinlang, at mapanlihis. Kaugnay sa halimbawa na tinalakay kanina, kung ikakategorya natin ito sa ilalim ng disposisyon o diwa ng isang anticristo, sa aling aspekto ng talakayan ngayon ang may kaugnayan dito? Sa aling aspekto ito maililista? Sinasabi nila, “Narito ako upang gawin ang aking tungkulin, hindi upang maging pangmatagalang trabahador mo.” Tama ba ang pahayag na ito? Narito ka upang gawin ang iyong tungkulin, ngunit sino ang tumukoy kung ano ang saklaw at hindi saklaw ng tungkuling iyon? Hindi ba’t ang mga gawaing ito ay bahagi ng dapat mong gawin? Tulad lamang sa pang-araw-araw na buhay, ang paglabas upang kumita ng pera para suportahan ang iyong pamilya ay iyong responsabilidad. Kung gusto mo ng mga gulay at nagdesisyon kang ikaw mismo ang magtatanim, desisyon mo iyon, ngunit ibig bang sabihin nito na hindi mo na responsabilidad ang iba pang mga gawaing bahay? Ang pahayag na narito ka upang gawin ang iyong tungkulin ay tama, ngunit may problema ang pagsasabing hindi ka naririto upang maging pangmatagalang trabahador. Ano ang ibig sabihin ng “pangmatagalang trabahador”? Sino ang tumatrato sa iyo nang ganoon? Walang nagtuturing sa iyo bilang isang pangmatagalang trabahador, at hindi ka nagiging pangmatagalang trabahador dahil sa mga gawaing ito o dahil sa paggugol mo ng kaunting pagsisikap. Hindi kita nakikita bilang pangmatagalang trabahador, at hindi ka rin ginagamit nang ganoon ng sambahayan ng Diyos. Ginagawa mo ang mga gawaing responsabilidad mo; lahat ng ito ay nasa saklaw ng iyong tungkulin. Sa mas maliit na saklaw, ito ay tungkol sa pagpapanatili ng iyong pang-araw-araw na buhay, na tinitiyak ang iyong pisikal na kalusugan at normal na takbo ng katawan, na tinitiyak na ikaw ay namumuhay nang maayos. Sa mas malaking saklaw, ang bawat gawain ay may kinalaman sa pagpapalawak ng gawain ng Diyos. Kaya bakit handa kang gawin ang ilang gawaing ito ngunit hindi ang iba? Bakit ka namimili? Bakit mo itinuturing na ang paggugol ng kaunting pagsisikap, paglilinis, at pamamahala sa kapaligiran ay gawain ng isang pangmatagalang trabahador, bilang mababang trabaho? Narito ang isang dahilan: Pagdating sa mga utos ni Cristo at sa lahat ng Kanyang mga kahilingan, itinuturing ng mga tao ang mga gawaing nais nilang gawin bilang bahagi ng kanilang tungkulin, habang ang mga gawain na ayaw o tinatanggihan nilang gawin ay itinuturing bilang gawain ng isang pangmatagalang trabahador. Hindi ba’t ito ay pagbabaliko sa mga katunayan? Ito ay nagpapakita ng isang pag-unawa na may pagkiling. Ano ang sanhi ng ganitong pag-unawa na may pagkiling? Ang mga kagustuhan ng mga tao. At saan nakahilig ang mga kagustuhang ito? Nakasalalay ito sa kung ang laman ay nahihirapan. Kung ang laman ay hindi makapagtamasa ng kaginhawaan, kung ito ay nagtitiis ng hirap o pagod, ang mga tao ay nagiging mapanlaban. Ang mga gawain na handa silang gawin, ang mga gawaing glamoroso at karespe-respeto, ay tinatanggap nang may pag-aalinlangan at itinuturing bilang paggawa sa kanilang tungkulin. Maaari bang ituring ang ganitong saloobin bilang pagsalungat kay Cristo? Ang mga tao ay mahigpit na sumasalungat at tumatanggi sa paggawa ng mga gawaing ayaw nilang gawin; gaano man kahusay ang iyong argumento, sadyang tumatanggi at sumasalungat sila. Madali bang lutasin ang mga kalagayan at problemang ito ng mga tao? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung gaano kamahal ng isang tao ang katotohanan. Kung ang isang tao ay walang pagmamahal sa katotohanan at tutol siya rito, hindi siya magbabago kailanman. Gayumpaman, kung mayroon kang kahandaang magdusa, kung kaya mong maghimagsik laban sa laman, at magtaglay ng tunay na pagpapasakop at ng isang saloobin ng pagpapasakop, kung gayon, ang mga isyung ito ay madaling malulutas, hindi ba? (Tama.) Sa buhay ng isang tao, hindi maaari na walang paggawa ng anumang trabaho. May ilang taong nagsasabi, “Ang mga emperador dati ay hindi gumawa ng anumang trabaho.” Totoo ba talaga iyon? Karamihan sa mga emperador ay hindi ginugol ang kanilang mga araw nang nagsasaya lamang sa buhay sa palasyo. Ang ilan ay nagsimulang mag-aral ng tula at panitikan sa murang edad, nagtatrabaho mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Pagkatapos umupo sa trono, sila ay bumibisita nang palihim upang maunawaan ang mga hinaing ng mga tao, at sa mga panahon ng pambansang krisis, ang ilan ay pumunta pa sa digmaan. Bagaman hindi marami ang mga emperador na tulad nito, talagang may ilan na ganito. Kahit na mayroon mang mga emperador na halos walang ginawa, tulad ng sinasabi ng ilang tao, napakakaunti ng ganoon. Ang isang taong hindi gumagawa ng anumang tamang aktibidad ngunit nangangarap pa rin ng pagtatamasa lamang ng pinakamagandang bagay ay nagpapantasya lamang.
Maraming tao ang palaging iniisip na ang paggugol ng kanilang sarili sa mga gawaing manwal ay isang bagay na walang dignidad. Tama ba ang pananaw na ito? Mayroon ding mga tao na nakikita ang gayong paggugol bilang pagtatrabaho, naniniwala sila na tanging ang mga lider at manggagawa na gumagawa ng gawaing iglesia ang nakokonsidera bilang pagganap ng isang tungkulin—tama ba ang ganitong uri ng pag-unawa? (Hindi.) Dapat mong maunawaan ang bagay na ito sa ganitong paraan: Kailangan ang mga tao upang magampanan ang lahat ng hinihingi ng Diyos sa mga tao, at ang lahat ng iba’t ibang uri ng gawain sa sambahayan ng Diyos—ang mga bagay na ito ay pawang maituturing bilang mga tungkulin ng mga tao. Kahit ano pang gawain ang gawin ng mga tao, ito ang tungkuling dapat nilang gampanan. Napakalawak ng saklaw ng mga tungkulin, at kinapapalooban ng maraming aspekto, pero kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan mo, sa madaling sabi, ito ay obligasyon mo at isang bagay na dapat ginagawa mo. Hangga’t pinagsisikapan mong gampanan ito nang mabuti at nang may puso, sasang-ayunan ka ng Diyos, at kikilalanin ka Niya bilang isang taong tunay na nananalig sa Diyos. Kahit sino ka pa, kung lagi mo na lang sinusubukang iwasan o pagtaguan ang iyong tungkulin, may problema nga. Sa magaan na pananalita, masyado kang tamad, masyadong padaskul-daskol, batugan ka, at mahilig ka sa kalayawan at namumuhi ka sa paggawa. Sa mas seryosong pananalita, ayaw mong gampanan ang iyong tungkulin, at wala kang katapatan o pagpapasakop, walang pagsunod. Kung hindi mo man lang magugol nang pisikal ang sarili mo upang pasanin ang kaunting gawaing ito, ano ang kaya mong gawin? Ano ang kaya mong gawin nang wasto? Kung ang isang tao ay may katapatan at may pagpapahalaga sa responsabilidad sa kanyang tungkulin, kung gayon, hangga’t hinihingi ito ng Diyos, at hangga’t kailangan ito ng sambahayan ng Diyos, gagawin niya ang anumang hilingin sa kanya, nang hindi namimili ng gusto niya. Hindi ba’t isa sa mga prinsipyo ng pagganap sa isang tungkulin ay ang akuin at gawin nang mabuti ang anumang makakaya at nararapat gawin ng isang tao? (Oo.) Hindi sang-ayon ang ilang gumagawa ng manu-manong trabaho sa labas, at sinasabing, “Ginugugol ninyo ang buong maghapon sa paggawa ng inyong tungkulin sa inyong silid, na protektado mula sa ihip ng hangin at init ng araw. Wala man lang kahirap-hirap doon, mas madali ang inyong tungkulin kaysa sa amin. Ilagay ninyo ang sarili ninyo sa sitwasyon namin, tingnan natin kung kakayanin ninyong magtrabaho nang ilang oras sa labas, kung saan may hangin at ulan.” Sa katunayan, bawat tungkulin ay may kasamang kaunting hirap. Ang pisikal na trabaho ay may kasamang pisikal na hirap, at ang trabahong pang-isipan ay may kasamang hirap sa isipan; bawat isa ay may mga paghihirap. Lahat ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Kapag talagang ginampanan ng mga tao ang isang gawain, sa isang banda, ang mahalaga ay ang kanilang karakter, at sa isa pang banda, kailangan mong tingnan kung minamahal ba nila ang katotohanan o hindi. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa karakter. Kung ang isang tao ay may mabuting mga katangian, nakikita niya ang positibo sa lahat ng bagay, at nagagawa niyang tanggapin at unawain ang mga bagay mula sa positibong pananaw at batay sa katotohanan; ibig sabihin, ang kanyang puso, mga katangian, at espiritu ay matuwid—mula ito sa pananaw ng mga katangian. Sunod, pag-usapan natin ang isa pang aspekto—kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Ang pagmamahal sa katotohanan ay tumutukoy sa kakayahang tanggapin ang katotohanan, na ibig sabihin, naiintindihan mo man ang mga salita ng Diyos o hindi, at kung nauunawaan mo man ang layunin ng Diyos o hindi, kung naaayon man sa katotohanan ang iyong pananaw, opinyon, at perspektiba sa trabaho, sa tungkuling dapat mong gampanan, nagagawa mo pa rin itong tanggapin mula sa Diyos; kung ikaw ay mapagpasakop at sinsero, sapat na ito, ginagawa ka nitong karapat-dapat na gampanan ang tungkulin mo, at ito ang pinakamababang hinihingi. Kung ikaw ay mapagpasakop at sinsero, kapag isinakatuparan mo ang isang gawain, hindi ka magiging pabaya, at hindi ka magiging tamad nang may paglilinlang, sa halip, ibubuhos mo ang iyong buong puso at lakas dito. Kung ang panloob na kalagayan ng isang tao ay mali, at ang negatibong damdamin ay lumitaw sa kanya, nawawala ang kanyang gana at ginugusto niyang maging pabaya; alam na alam niya sa puso niya na hindi tama ang kanyang kalagayan, ngunit hindi pa rin niya ito sinisikap na ayusin sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Ang mga ganitong tao ay walang pagmamahal sa katotohanan at bahagya lamang na gustong gampanan ang kanilang tungkulin; hindi sila mahilig magsumikap o magdusa ng hirap at palagi nilang sinusubukang magpakatamad nang may paglilinlang. Sa katunayan, nasiyasat na ng Diyos ang lahat ng ito—kaya bakit hindi Niya pinapansin ang mga taong ito? Ang Diyos ay naghihintay lamang na ang Kanyang mga hinirang na tao ay magising, na kilatisin at ilantad ang mga taong iyon, at itiwalag ang mga iyon. Gayunpaman, iniisip pa rin ng gayong mga tao, “Tingnan ninyo kung gaano ako katalino. Parehas tayo ng kinakain, pero pagkatapos magtrabaho ay pagod na pagod kayo, samantalang hindi man lang ako napagod. Ako ang matalino rito. Hindi ako nagtatrabaho nang husto; ang sinumang nagtatrabaho nang husto ay isang mangmang.” Tama ba na tingnan nila ang mga tapat na tao sa ganitong paraan. Hindi. Sa katunayan, ang mga taong nagtatrabaho nang husto habang ginagampanan ang kanilang tungkulin ay isinasagawa ang katotohanan at pinalulugod ang Diyos, kaya sila ang pinakamatalino sa lahat. Ano ang nagpapatalino sa kanila? Sinasabi nila, “Hindi ako gumagawa ng anumang bagay na hindi hinihingi ng Diyos na gawin ko, at ginagawa ko ang lahat ng hinihingi Niyang gawin ko. Ginagawa ko ang anumang hinihingi Niya, ibinibigay ko ang buong puso at lakas ko rito, at hinding-hindi ko iniraraos lang ang mga ito. Hindi ko ito ginagawa para sa sinumang tao, ginagawa ko ito para sa Diyos. Mahal na mahal ako ng Diyos; dapat kong gawin ito upang mapalugod ang Diyos.” Ito ang tamang pag-iisip. Bilang resulta, kapag nag-aalis ng mga tao ang iglesia, ang mga padaskul-daskol sa pagganap ng kanilang tungkulin ay pawang itinitiwalag, habang ang mga tapat na tao na tumatanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay nananatili. Ang mga kalagayan ng mga tapat na taong ito ay patuloy na bumubuti, at sila ay pinoprotektahan ng Diyos sa lahat ng mga nangyayari sa kanila. At ano ang nagbibigay sa kanila ng proteksyong ito? Ito ay dahil, sa kanilang puso, sila ay tapat. Hindi sila natatakot sa hirap o pagod kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila mapili sa anumang iniaatas sa kanila; hindi sila nagtatanong kung bakit, ginagawa lang nila kung ano ang sinabi sa kanila, sumusunod sila, nang walang anumang imbestigasyon o pagsusuri, o pagsasaalang-alang sa anumang bagay. Wala silang mga kalkulasyon, at kaya nilang sumunod sa lahat ng bagay. Ang kanilang panloob na kalagayan ay laging napakanormal. Kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan sila ng Diyos, kapag sumasapit sa kanila ang karamdaman o salot, pinoprotektahan din sila ng Diyos, at sa hinaharap ay magtatamasa lamang sila ng mga pagpapala. May ilang tao na sadyang hindi maunawaan ang bagay na ito. Kapag nakakakita sila ng mga tapat na tao na kusang nagtitiis ng hirap at pagod sa paggampan ng kanilang tungkulin, iniisip nila na ang mga tapat na taong ito ay mga mangmang. Sabihin ninyo sa Akin, ito ba ay kamangmangan? Ito ay sinseridad, ito ay tunay na pananampalataya. Kung walang tunay na pananampalataya, maraming bagay na hindi talaga maiintindihan o maipapaliwanag. Ang mga nakakaunawa lamang sa katotohanan, ang mga palaging namumuhay sa harap ng Diyos at may normal na mga ugnayan sa Kanya, at ang mga tunay na nagpapasakop at tunay na natatakot sa Diyos, ang siyang may pinakamalinaw na pagkaalam sa kanilang puso kung ano ang tunay na nangyayari. Bakit alam nila samantalang ang iba ay hindi? Ito ay nagmumula sa kanilang pagkakaroon ng karanasan sa pamamagitan ng pagsasagawa sa katotohanan at pagiging mga tapat na tao. Ang karanasang ito ay hindi maibibigay ng sinumang tao, hindi rin ito mananakaw o makukuha ng sinuman. Hindi ba’t ito ay isang pagpapala? Ang gayong pagpapala ay hindi maaaring makuha ng mga karaniwang tao. At bakit ganito? Ito ay dahil ang mga tao ay labis na mapanlinlang at buktot; wala silang katapatan, hindi nila kayang maging tapat na tao, at wala silang taos na puso, kaya ang kanilang natatanggap ay limitado. Tungkol naman sa mga anticristo, lalong hindi na kailangang banggitin pa sila. Batay sa kanilang mga saloobin sa iba’t ibang bagay, pati na rin sa kanilang kalikasang diwa, at lalo na batay sa kanilang saloobin kay Cristo, ang mga taong tulad ng mga anticristo ay hindi kailanman tatanggap ng pagpapalang ito. Bakit ganito? Ito ay dahil ang kanilang puso ay labis na buktot at mapanlinlang! Iba-iba ang kanilang pagtrato depende sa tao, nagbabago sila ng kulay tulad ng isang hunyango, at palaging tumatakbo ang kanilang isipan, hindi pakakawalan ang lawin hangga’t hindi nakikita ang kuneho, hindi sila nagiging sinsero sa Diyos, wala silang pagpapasakop sa Kanya, nakikipagtransaksyon lamang sila sa Kanya. Ano ang kahihinatnan ng gayong mga saloobin at diwa? Ito ay na, sa anumang bagay, hindi nila nakikita o naiintindihan ang diwa ng iba’t ibang tao at sitwasyon, pati na rin ang mga katotohanang sangkot sa mga sitwasyong ito. Ang mga salita ng Diyos ay inilatag sa harap nila, at sila ay edukado, marunong silang magbasa at magsuri, mayroon silang talino, at marunong silang magsiyasat, kaya bakit hindi sila makaintindi? Kahit gaano man sila katagal mabuhay, kahit umabot pa sila sa 80 taon, hindi pa rin sila makakaintindi. Bakit hindi sila makakaintindi? Ang pinakamahalagang dahilan ay sapagkat ang kanilang mga mata ay nakapiring. Sinasabi ng ilang tao, “Ngunit hindi pa namin nakitang nakapiring ang kanilang mga mata.” Ang kanilang puso ang napiringan. Ano ang ibig sabihin ng napiringan? Ibig sabihin, ang kanilang puso ay hindi nabibigyang-liwanag; ang mga ito ay palaging nababalot. Noon, sinabi na “ang puso ng mga tao ay manhid.” Kaya, sino ang nagpamanhid sa puso ng mga anticristo? Sa realidad, ang Diyos ay hindi nagbigay-liwanag sa kanila. Hindi Niya nilalayong gawin silang perpekto o iligtas sila. Siya ay nakikialam lamang sa tamang oras, sa mga kritikal at mahalagang sandali, upang pigilan sila nang kaunti at maiwasan ang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ngunit kadalasan, pagdating sa mga usapin ng mga salita ng Diyos, sa katotohanan, pagpapasakop sa Kanya, pagkilala sa kanilang sarili, at pagkilala sa Kanya, hindi Niya sila kailanman binibigyang-liwanag. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi iyan tama. Paano Mo nasasabing hindi Niya sila binibigyang-liwanag? Ang ilan sa mga naklasipika na bilang mga anticristo ay napakatalino. Pagkatapos marinig ang isang sermon, kung ikaw ay magsasalita sa loob ng tatlong oras, kaya nilang magsalita sa loob ng anim na oras. Hindi ba’t iyon ay kaliwanagan?” Kahit ilang oras silang nakakapagsalita, kahit na 30, iyon ay pawang mga salita at doktrina lamang. Mas mahusay bang magsalita ang mga Pariseo at mga eskriba kaysa sa mga ito? Ang bawat isa sa kanila ay eksperto sa pangangaral, at ang bawat isa sa kanila ay mahusay magsalita, ngunit anong kabutihan ang naidulot nito? Nang dumating ang Diyos, nilabanan at kinondena pa rin nila Siya. Anong idinulot nito sa kanila? Ito ay nagdulot sa kanila ng pagkawasak, kapahamakan, at malaking sakuna. Sa panlabas, ang bawat tao sa sambahayan ng Diyos ay tila gumagampan ng kanilang tungkulin, ang bawat isa ay kumakain nang tatlong beses sa isang araw, gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa araw, at nagpapahinga sa gabi. Gayumpaman, pagkatapos ng ilang taon, ang mga pagkakaiba sa pagitan ng iba’t ibang uri ng tao ay nagiging malinaw, at ang mga kinalabasan ng iba’t ibang uri ng tao ay nabubunyag at natutukoy. May ilang taong nagsasabing sila ay nananalig sa Diyos ngunit hindi naman sila sumusunod sa tamang daan, at sa halip ay nagmamadali sila tungo sa impiyerno. Ang iba ay nagmamahal sa katotohanan at patuloy na nagsisikap para dito, kaya unti-unti silang nakakapasok sa katotohanang realidad. May ilang palaging gustong mamuhay nang komportable at lalo pa silang nagiging tuso sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at sa huli ay natitiwalag sila. May ilan na kayang tanggapin ang katotohanan, lalong nagiging tapat sa kanilang puso, at nakakaranas ng pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, kaya minamahal sila ng Diyos at ng mga tao. May ilan na laging nakatuon sa pangangaral ng mga salita at doktrina, at pagkatapos ng lahat ng kanilang pangangaral, sila ay itinataboy ng Diyos at sa gayon ay nasisira. May mga walang espirituwal na pang-unawa, at habang sila ay mas nakikinig sa mga sermon, lalo silang nalilito, nawawalan ng interes sa katotohanan, at lalong hindi nagiging mapagpasakop, nais nilang kumilos nang walang pakundangan at nang mapusok, palaging hinahangad na matugunan ang sarili nilang mga pagnanais at nag-aasam ng katanyagan, pakinabang, at katayuan—ito ay mapanganib. Sumusunod ang ilang tao sa Diyos sa loob ng ilang taon, at pagkatapos kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at maranasan ang maraming bagay, nauunawaan nila ang maraming katotohanan, nagkakaroon ng higit pang pananampalataya sa Diyos, at nakukuha ang Kanyang pagsang-ayon. Lahat ng taong ito ay nananalig sa Diyos, namumuhay ng buhay iglesia, at gumagampan ng kanilang mga tungkulin, kaya bakit, pagkatapos ng walo o sampung taon, ang kanilang mga resulta ay magkakaiba, ang bawat resulta ay ayon sa kanilang uri? Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba’t may mga pagkakaiba-iba sa kalikasang diwa ng mga tao? (Oo.)
Narito ang isa pang usapin na dapat ninyong pakinggan at ikonsidera sa kung aling kategorya ito nabibilang sa mga pagpapamalas ng mga anticristo na ating natalakay. Sa ilang iglesia, malinaw na may masasamang taong kumikilos nang mapang-api at hindi makatwiran. Hindi sila makagawa ng anumang kongkretong gawain, ngunit palagi nilang gustong humawak ng kapangyarihan. Sa anumang gawain na kanilang ginagawa, lumilikha sila ng mga kaguluhan at pagkawasak at hindi sumusunod sa mga prinsipyo, at sa anumang bagay na kanilang ginagawa, hindi nila kailanman nais na magbayad ng halaga ngunit palagi nilang nais na pakinggan sila ng iba. Sa madaling salita, hangga’t nasa iglesia ang gayong tao maraming tao ang magugulo nila, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang kaayusan ng iglesia ay maaapektuhan at masisira. Bagama’t ang mga gayong tao ay hindi gumawa ng anumang lantad na malaking kasamaan o hindi pininsala ang mga kapatid, kapag tiningnan mo ang kanilang pagkatao, ang kanilang diwa, ang kanilang pananaw sa iba’t ibang bagay, pati na rin ang kanilang saloobin sa mga kapatid, sa gawain ng sambahayan ng Diyos, at sa kanilang sariling tungkulin, sila ay lubos na kabilang sa hanay ng masasama. Paano Ko dapat pangasiwaan ang gayong tao kung makahaharap Ko siya bago pa siya mapansin ng mga kapatid? Dapat ba Akong maghintay hanggang sa makagawa siya ng malaking pagkakamali o makapagdulot ng malaking sakuna bago siya paalisin, papalayasin siya kapag nagdulot na siya ng malaking kaguluhan? Kailangan bang ganoon? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat Kong gawin? Sa pinakamababa, dapat Ko siyang tanggalin sa kanyang tungkulin. Kasunod nito, dapat Ko siyang ibukod o paalisin, upang hindi na niya gawin ang kanyang tungkulin at maiwasang maapektuhan ang iba. Sa mahalagang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang presensya ng mga gayong masasamang tao ay hindi pinapayagan—tama ba ang prinsipyong ito? Kung hindi pa sila nabubunyag, hayaan na lang na ganoon, ngunit sa sandaling sila ay nabunyag, malinaw na nakita, at naklasipika bilang masasamang tao, tama bang paalisin sila? (Oo.) Maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi iyan uubra. Nakilatis Mo na sila, ngunit hindi pa sila nakilatis ng iba. Ang pag-aalis sa kanila ay makakaapekto sa iba. Kung aalisin Mo sila dahil lamang nakilatis Mo na sila, hindi ba’t ibig sabihin nito ay Ikaw lamang ang nagpapasya? Iyon ba talaga ang pagtulot na ang katotohanan ang maging nasa kapangyarihan? Dapat tayong magtipon at makipagbahaginan sa mga kapatid, himayin ito kasama sila, gumawa ng ideolohikal na gawain sa kanila, mag-ipon ng mga materyales at kuhanin ang pagsang-ayon ng lahat bago magpatuloy. Kailangan Mong sundin ang mga proseso, at kung hindi Mo susundin, hindi ba’t nilalabag Mo ang mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia? Hindi ba’t magiging mali ito? Ikaw mismo ay dapat munang sumunod sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia; hindi Mo puwedeng isabotahe ang mga ito. Bukod dito, hindi ba’t ang lahat ng bagay, anuman ito, ay ginagawa nang may pagsasaalang-alang sa mga kapatid? Kung ganoon, kailangan mong ipaalam sa lahat ng kapatid ang tungkol dito at linawin sa kanila ang aspektong ito ng katotohanan. Hindi Mo puwedeng hayaan na nalilito sila; kailangan Mong bigyan ang lahat ng kapatid ng kakayahang makakilatis.” Kung ang mga prosesong ito ay hindi nasunod at sinabi Kong alisin ang isang tao, paano kayo magpapatuloy? Maguguluhan kayo, hindi ba? Dahil kayo ay naguguluhan, iyon ay nagpapatunay na umiiral ang mga gayong pananaw sa inyo. Ang sinasabi Ko ay nangyari na. Sa isang mahalagang gawain, may isang diyablo na may masamang pagkatao, na, habang ginagawa ang kanyang tungkulin, ay mapanlinlang na nagtatamad-tamaran, sinusubukang makaiwas sa hirap at pagod. Palagi siyang nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, at nang siya ay pinungusan, nagiging suwail siya, ganap na tinatanggihan ang katotohanan. Palagi niyang nais na humawak ng posisyon at magdesisyon, habang inuutusan din ang iba, at hindi niya kailanman isinaalang-alang ang mga interes ng iglesia o sinunod ang mga prinsipyo, kumikilos lamang siya ayon sa kanyang mga kagustuhan. Sa panahon ng kanyang pamamahala sa gawain, binalewala niya ang ilang bagay na inutos Kong gawin niya, tinrato niya ang Aking mga salita na parang hangin lang sa kanyang mga tainga. Bukod sa hindi paggawa sa kanyang mga gawain, nagdulot pa siya ng mga kaguluhan. Ang iglesia ay isang mahalagang lugar para gawin ng isang tao ang kanyang mga tungkulin—kung inisip niyang pumarito siya hindi para gawin ang kanyang tungkulin kundi para mamuhay nang marangya o magretiro nang maaga, nagkakamali siya. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang institusyong pangkawanggawa o isang kanlungan. Ang gayong uri ng tao ay walang silbi saan man sila pumunta; hindi sila tapat kailanman sa anumang tungkulin nila, palagi silang pabaya at walang direksyon. Kaya, sinabi Ko na agad siyang alisin. Madali bang isagawa ito? (Oo.) Gayumpaman, para sa isang uri ng tao, mahirap ipatupad ang kahit na ang gayon kasimpleng bagay. Tatlong buwan matapos Kong sabihin ito, saka pa lamang sapilitang pinalayas ang masamang taong ito. Ano ang dahilan nito? Matapos Kong mag-utos na alisin ang taong ito, sinimulan ng lider ng iglesiang iyon na “ipatupad” ang gawain. Paano niya ito ipinatupad? Nagpatawag siya ng pagpupulong para makaboto ang lahat sa magiging desisyon. Matapos ang mahabang talakayan, sa wakas ay sumang-ayon ang karamihan na alisin ang taong ito, ngunit may isang bumoto laban dito, kaya’t ipinagpaliban ang usapin. Sinabi ng lider na kailangan nilang kumbinsihin ang taong hindi sumang-ayon, upang makipagtalakayan dito at makuha ang pag-sang-ayon nito. Samantala, dalawang beses Kong tinanong kung naalis na ang naturang tao, at sinabi ng lider na hindi pa, na patuloy pa rin silang nagtitipon at nagbubuod ng mga materyales. Sa likod Ko, sinabi rin nila, “Hangga’t may isang taong hindi sumasang-ayon, hindi natin siya maaaring alisin.” Ang ibig sabihin nila sa pagsasabi nito ay ayaw nilang alisin ang taong ito, kaya’t nakahanap sila ng ganitong katawa-tawang dahilan. Sa realidad, nilalansi nila ang iba; natatakot silang masaktan ang taong ito at hindi sila naglalakas-loob na alisin siya. Sa wakas, naglabas ng ultimatum ang Itaas: “Ang taong ito ay dapat na alisin. Kung hindi siya aalis, ikaw ang aalis. Isa sa inyo ang kailangang umalis; mamili ka!” Nang marinig nila ito, naisip nila, “Hindi ako maaaring umalis; hindi ko pa nasusulit ang aking posisyon!” Saka lamang nila pinaalis ang diyablong ito. Sabihin ninyo sa Akin, bakit pinoprotektahan ng lider na ito ang diyablo? Hindi ba’t ito ang pamamaraan ng isang anticristo? Ito mismo ang pag-uugali ng isang anticristo.
Ang ilang tao ay palaging ipinapahayag ang kanilang pananalig sa Diyos, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, hinahanap nila ang opinyon ng bawat kapatid pero hindi kailanman hinahanap ang opinyon ni Cristo. Hindi nila inaalam kung ano ang sinasabi ni Cristo, kung ano ang Kanyang kongklusyon, kung bakit Niya nais gawin ang bagay na ito, o kung paano dapat magpasakop ang mga tao. Hinanap nila ang opinyon ng bawat kapatid at nagawa nilang respetuhin ang lahat ng opinyon at kaisipan ng mga ito, ngunit hindi nila tinatanggap ang kahit isang pangungusap na sinasabi ni Cristo, na nagpapakita ng kawalan ng intensyon na magpasakop. Ano ang kalikasan nito? Hindi ba’t sila ay mga anticristo? (Oo.) Ano ang nangyayari sa sitwasyong ito? Bakit hindi nila ito ipinatutupad? Bakit napakahirap para sa kanila na ipatupad ito? May dahilan ito. Iniisip nila, “Si Cristo ay may katotohanan at diwa ng Diyos, ngunit iyon ay pawang opisyal na salita lamang, mga doktrina at islogan lamang. Pagdating sa tunay na mga bagay, hindi Mo talaga makikilatis ang sinuman. Ang Iyong mga salita ay sinasalita lamang para marinig namin, maimprinta sa mga aklat, at wala talagang kinalaman sa Iyong aktuwal na mga kakayahan. Kaya, kung tinutukoy Mo ang isang tao na isang masamang tao o anticristo, maaaring hindi ito tumpak. Bakit hindi ko napansin na siya ay masama o isang anticristo? Bakit hindi ko naiintindihan ang bagay na ito?” Hindi ba’t ganito sila mag-isip? Naniniwala sila, “Dalawang beses Mo pa lang nakakatagpo ang taong ito, nakita Mo pa lang siyang magsalita ng ilang salita at gumawa ng isang bagay, at tinutukoy Mo na siya bilang masama. Hindi naman ganoon ang iniisip ng mga kapatid; kaya bakit ganoon ang naiisip Mo? Bakit dapat maging sobrang mabigat ng Iyong mga salita? Hindi pa ako nakakakita ng anumang masamang gawa mula sa taong ito, ni hindi ko alam kung ano ang masasamang bagay na nagawa niya, kaya hindi ko masasabi ang ‘amen’ sa Iyong sinasabi. Mayroon akong mga kuru-kuro at pag-aalinlangan sa ginagawa Mo. Ngunit, kahit may mga kuru-kuro ako, hindi ko maaaring ipahayag ang mga ito nang tahasan, kaya kailangan kong gumamit ng mga hindi direktang paraan: Hahayaan ko ang mga kapatid na magdesisyon sa bagay na ito sa pamamagitan ng pagboto. Kung hindi sumasang-ayon ang mga kapatid, wala nang magagawa pa—maaari Mo ba talagang pungusan silang lahat? Bukod dito, ilang beses Mo pa lang nakasalamuha ang taong ito at pagkatapos ay tinukoy Mo na siya bilang masama. Bakit hindi Mo siya bigyan ng kaunting pagkakataon? Tingnan Mo kung gaano kamapagparaya at kamapagmahal ang mga kapatid. Hindi puwedeng ako ang maging masama; kailangan ko ring maging mapagmahal at bigyan ng pagkakataon ang mga tao—hindi tulad Mo, na mabilis manghusga ng mga tao. Ang pag-aalis sa isang tao ay hindi simpleng bagay—paano kung ang tao ay manghina pagkatapos niyon? Kapag nahaharap sa mga isyu, dapat protektahan ni Cristo ang mga kapatid. Dapat Niyang pagpasensyahan ang anumang kahangalan, paghihimagsik, o kamangmangan ng mga kapatid at hindi maging mapagdesisyon at walang pagmamahal. Hindi ba’t ang Diyos ay dapat na labis na mahabagin? Saan na napunta ang habag na iyon? Ang pagtukoy sa sinumang hindi Mo gusto bilang masama at naising palayasin sila, hindi iyon sumusunod sa mga patakaran!” Ang mga ito ay mga kuru-kuro, hindi ba? (Oo.) Kapag si Cristo ay gumagawa ng isang bagay o nagpapasya, kung hindi sila sumasang-ayon dito, nagiging mahirap itong ipatupad. Sila ay nagdadalawang-isip, gumagamit ng iba’t ibang dahilan at paraan upang sumalungat; sadyang ayaw nilang ipatupad ito o sumunod. Ang kanilang layunin ay: “Kung hindi ko ito ipapatupad, hindi maisasakatuparan ang Iyong gawain!” Sasabihin Ko sa iyo, kung hindi mo ito ipapatupad, hahanap Ako ng ibang taong makakagawa nito bilang lider, at maaari ka nang bumalik sa pinanggalingan mo! Hindi ba’t dapat ganito pangasiwaan ang bagay na ito? (Oo.) Pinalayas Ko sila nang ganoon-ganoon lang, direkta at epektibo—hindi na kailangan pang sumangguni kaninuman.
Ang ilang tao ay hindi kailanman nauunawaan ang katotohanan at palaging may mga pagdududa sa mga salita ng Diyos. Sinasabi nila, “Kapag ang katotohanan ang nasa kapangyarihan, pareho ba ito kapag si Cristo ang nasa kapangyarihan? Hindi naman palaging tama ang mga salita ni Cristo, dahil Siya ay may aspekto ng pagiging tao.” Hindi nila matanggap na si Cristo ang nasa kapangyarihan. Kung ang Espiritu ng Diyos ang nasa kapangyarihan, wala silang magiging mga kuru-kuro. Ano ang problema rito? Ang mga gayong tao ay walang kahit kaunting pagdududa tungkol sa Diyos na nasa langit ngunit palagi silang nagdududa tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao. Si Cristo ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan, ngunit Siya ay hindi nila kinikilala bilang Diyos na nagkatawang-tao. Kaya magagawa ba nilang kilalanin na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay? Mahirap masabi iyan. Kahit na sumunod ang mga gayong tao kay Cristo, kaya ba nilang magpatotoo para sa Kanya? Kaayon ba sila ni Cristo? Walang tiyak na sagot sa mga tanong na ito. Hindi rin sigurado kung ang mga gayong tao ay makakasunod hanggang sa dulo ng daan. May ilang tao na lubos na kinikilala sa kanilang puso na sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang nasa kapangyarihan. Ngunit paano nila nauunawaan ang katotohanang nasa kapangyarihan? Iniisip nila na anuman ang gawaing ginagawa, basta’t may kinalaman ito sa sambahayan ng Diyos, lahat ay dapat mag-usap at magdesisyon nang magkakasama. Basta’t may napagkasunduan, kahit ano pa ang kalalabasan, ito ay dapat na ipatupad. Iyan, sa kanilang paniniwala, ang ibig sabihin ng nasa kapangyarihan ang katotohanan. Tama ba ang pananaw na ito? Ito ay isang mabigat na maling pagkaunawa; ito ang pinakakakatwa at katawa-tawang pahayag. Saan nagmumula ang katotohanan? Ito ay ipinapahayag ni Cristo. Si Cristo lamang ang katotohanan, samantalang ang tiwaling sangkatauhan ay walang kahit na anong katotohanan, kaya paano makakalikha ng katotohanan ang mga tao sa pamamagitan ng deliberasyon? Kung makakalikha ng katotohanan ang mga tao sa pamamagitan ng deliberasyon, mangangahulugan ito na ang tiwaling sangkatauhan ay nagtataglay ng katotohanan. Hindi ba’t iyon ang pinakakakatwang bagay? Samakatwid, ang katotohanan ang nasa kapangyarihan ay nangangahulugan na si Cristo ang nasa kapangyarihan, ibig sabihin ang mga salita ng Diyos ang nasa kapangyarihan, hindi na ang lahat ay may kapangyarihan o may boses. Ang pagtitipon upang pagbahaginan ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos ay tama; ito ang buhay iglesia. Ngunit ano ang epekto ng pagsasagawa sa ganitong paraan? Ito ay upang hayaan ang lahat na maunawaan ang katotohanan at malaman ang mga salita ng Diyos, upang lahat ay makapagpasakop sa mga salita ng Diyos at gumawa ayon sa mga ito. Ang mga tao ay nagtitipon upang pagbahaginan ang katotohanan dahil hindi nila ito nauunawaan. Kung naunawaan nila ang katotohanan, maaari silang direktang magpasakop kay Cristo at sa mga salita ng Diyos; iyon ang magiging tunay na pagpapasakop. Kung isang araw ay nauunawaan ng lahat ng hinirang na tao ng Diyos ang katotohanan, lahat ay maaaring direktang magpasakop, magpuri, at magpatotoo kay Cristo, ito ay magpapakita na ang mga hinirang na tao ng Diyos ay nagawa nang ganap. Higit pa rito, maipapatotoo nito na ang sambahayan ng Diyos ay pinamumunuan ng katotohanan, ni Cristo. Tanging ang gayong mga katotohanan at patotoo ang magpapatunay na ang Diyos ay naghahari bilang hari sa lupa, at ang kaharian ni Cristo ay nagpakita na. Ngunit paano nauunawaan ng ilang anticristo at huwad na lider ang katotohanan ang nasa kapangyarihan? Sa kanilang pagpapatupad, ang katotohanan ang nasa kapangyarihan ay nangangahulugan na ang mga kapatid ang nasa kapangyarihan. Kahit ano pang gawain ang kanilang ginagawa, kung kaya nilang lubos na maarok ito, ginagawa nila ito ayon sa kanilang sariling kagustuhan; kung hindi nila kaya, nakikipagbahaginan sila kasama ang ilang tao at hinahayaan ang grupo na magdesisyon. Maaari ba nitong patunayan na naisasagawa ang katotohanan? Ang desisyon ba ng grupo ay awtomatikong umaayon sa mga layunin ng Diyos? Maaari bang magdulot ng pagiging nasa kapangyarihan ng katotohanan ang gayong pagsasagawa? Kaya ba nitong maipatotoo na si Cristo ang nasa kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos? Itinuturing nila ang pagtulot sa mga kapatid na magpahayag ng mga opinyon, magtalakay ng kanilang mga pananaw, at sa huli ay may mapagkasunduan at gumawa ng mga desisyon bilang pagiging nasa kapangyarihan ng katotohanan, ipinapahiwatig na ang mga kapatid ang mga tagapagsalita para sa katotohanan, na sila ay katumbas ng katotohanan mismo. Tama ba ang ganitong pagkaunawa? Malinaw na hindi, ngunit ang ilang anticristo at huwad na mga lider ay talagang kumikilos nang ganito at ipinatutupad ito nang gayon. Iniisip nila na sa paggawa nito, isinasagawa nila ang demokrasya, na gumagawa sila ng demokratikong desisyon at na dapat itong gawin sa ganitong paraan, umaayon man ito sa katotohanan o hindi. Ano ang diwa ng pagkilos nang ganito? Ang mga bagay bang napagdesisyunan na na demokratiko ay awtomatikong umaayon sa katotohanan? Awtomatiko bang kumakatawan ang mga ito sa Diyos? Kung ang demokrasya ay ang katotohanan, hindi na kailangan pang ipahayag ng Diyos ang katotohanan; hindi ba’t sapat nang hayaan na lang ang demokrasya na maghari? Kahit gaano pa isagawa ng tiwaling sangkatauhan ang demokrasya, hindi nito kayang lumikha ng katotohanan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng demokrasya. Ang katotohanan ay nagmumula sa Diyos, mula sa mga pahayag ni Cristo. Kahit gaano pa katugma ang isang pamamaraan ng tao sa mga ideya o panlasa ng tao, hindi ito maaaring kumatawan sa katotohanan. Ito ay isang katunayan. Ang diwa ng mga pamamaraan ng mga huwad na lider at ng mga anticristo, sa likod ng pagkukunwaring ang katotohanan ang nasa kapangyarihan, ay ang ganap na isantabi si Cristo, palitan si Cristo ng demokrasya, at palitan ang pamumuno ni Cristo ng paraan ng pangkalahatang pagbabahaginan at demokratikong pamumuno. Madali bang makilatis ang kalikasan at mga kahihinatnan nito? Ang mga taong mahusay kumilatis ay dapat na makita ang mga ito. Ang mga huwad na lider at mga anticristo ay hindi iyong mga nagpapasakop kay Cristo kundi iyong mga tumatanggi at sumusuway sa Kanya. Kahit ano pa ang ibahagi ni Cristo sa iglesia, kahit na nakikinig at nakakaunawa sila, tinatrato ito ng mga tao na parang hangin lamang na dumaraan sa kanilang mga tainga at ayaw nila itong ipatupad. Sa halip, binibigyang pansin nila ang sinasabi ng mga huwad na lider at ng mga anticristo; sa huli, ang mga salita nila ang mahalaga. Kung makapagsasagawa ba ang mga tao ayon sa mga salita ni Cristo ay depende sa mga desisyon ng mga huwad na lider at ng mga anticristo, at karamihan ng mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang mga anticristo ay mahigpit na binabantayan ang gawain ng iglesia, pinahihintulutan lamang ang kanilang mga sarili na gumawa ng mga desisyon at hindi hinahayaan ang Diyos na magkaroon ng boses o kapangyarihan. Iniisip nila, “Narito lang si Cristo upang suriin ang gawain. Maaari Mong sabihin ang Iyong nais at isaayos ang gawain, ngunit kung paano ito ipapatupad ay nasa sa amin na. Huwag Kang makialam sa aming gawain.” Hindi ba’t ito ang ginagawa ng mga anticristo? Palaging sinasabi ng mga anticristo, “lahat ng mga kapatid ay nagbahaginan” o “lahat ng mga kapatid ay may napagkasunduan na”—ang mga nagsasabi ba ng mga gayong bagay ay tunay na nakakaunawa sa katotohanan? Sino ang mga kapatid? Hindi ba’t sila ay isang grupo lamang ng mga taong lubos na ginawang tiwali ni Satanas? Gaano karaming katotohanan ang kanilang nauunawaan, gaano karaming katotohanang realidad ang kanilang taglay? Maaari ba nilang katawanin si Cristo? Sila ba ang representasyon ng katotohanan? Maaari ba silang maging mga tagapagsalita para sa katotohanan? Mayroon ba silang anumang kaugnayan sa katotohanan? (Wala.) Dahil wala naman silang kaugnayan, bakit palaging itinuturing ng mga nagsasabi ng mga gayong bagay na pinakamataas ang mga kapatid? Bakit hindi nila pinupuri at pinapatotohanan ang Diyos? Bakit hindi sila nagsasalita at kumikilos ayon sa katotohanan? Hindi ba’t ang mga nagsasalita sa gayong paraan ay mga kakatwang tao? Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos at makinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, hindi nila nauunawaan ang anumang katotohanan at hindi nila makita kung ano ang mga tunay na kapatid. Hindi ba’t bulag sila? Ngayon, ang lahat ay naklasipika na ayon sa kanilang uri; marami nang nagbunyag ng kanilang tunay na karakter, silang lahat ay kauri ni Satanas—sila ay walang iba kundi mga hayop. Hindi ba ninyo ito nakikita nang malinaw? Wala kayong taglay na katotohanan! Ang ilang tao ay ayaw makinig sa Akin kapag hinihimay Ko ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Huwag Mo nang palaging banggitin ang mga gayong munting bagay tulad ng mga anticristo; nakakahiya iyan. Bakit palagi Mong hinihimay ang mga anticristo?” Ayos lang bang hindi sila himayin? Dapat silang himayin sa ganitong paraan upang turuan ang mga tao na kumilatis. Kung hindi, kapag lumitaw ang mga anticristo, maglalabas sila ng maraming maling paniniwala at panlilinlang, ililihis nila ang maraming tao, at kokontrolin pa nga nila ang iglesia at magtatag ng kanilang sariling nagsasariling kaharian. Nakikita ba ninyo nang malinaw kung gaano kalala ang mga kahihinatnan ng bagay na ito? Kanina lang, nagbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng ang katotohanan ang nasa kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan, nakita ng mga tao ang mga kakatwang pamamaraan at ang mga katawa-tawang pananaw ng mga anticristo. Ang mga anticristo ay palaging gustong sila ang nasa kapangyarihan at ayaw nilang si Cristo ang nasa kapangyarihan, kaya pinalitan nila ang pamumuno ng katotohanan ng demokratikong anyo, ipinapalaganap nila na pagiging nasa kapangyarihan ng katotohanan ang pagtatalakayan ng lahat tungkol sa mga usapin. Hindi ba’t may panlalansi ni Satanas dito? Ang katotohanan ba ay isang bagay na maaaring matamo ng lahat sa pamamagitan ng deliberasyon? Ang katotohanan ay ipinapahayag ng Diyos at nagmumula sa Diyos. Bakit hindi ninyo direktang maisagawa ang mga salita ng Diyos, bakit hindi kayo direktang magpasakop sa Diyos, at direktang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Bakit ang mga utos ni Cristo ay kailangang pagdesisyunan sa pamamagitan ng deliberasyon ng lahat? Hindi ba’t ito ay pagpapakana ni Satanas? Ang mga anticristo ay madalas magpakawala ng mga teorya upang ilihis ang mga tao, at kahit ano pang gawain ang kanilang ipatupad, sila ang may huling salita, ganap na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Kung titingnan ito mula sa mga pagpapamalas ng mga anticristo, ano ba mismo ang kanilang disposisyon? Sila ba ay mga taong nagmamahal sa mga positibong bagay at nagmamahal sa katotohanan? Mayroon ba silang tunay na pagpapasakop sa Diyos? (Wala.) Ang kanilang diwa ay ang pagiging tutol at pagkamuhi sa katotohanan. Bukod pa rito, sila ay napakayabang na wala na silang anumang pagkamakatwiran, wala sa kanila kahit ang pangunahing konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng mga tao. Ang mga gayong tao ay hindi karapat-dapat tawaging tao. Sila ay matatawag lamang na kauri ni Satanas; sila ay mga diyablo. Ang sinumang hindi tumatanggap sa katotohanan kahit kaunti ay isang diyablo—walang kaduda-duda rito.
Mayroon ding ilang tao na mayroong hindi mapagpakumbaba pero hindi rin naman mayabang na saloobin sa mga salita ni Cristo. Hindi sila nagpapahayag ng ganap na pagtanggap at hindi rin naman sila sumasalungat. Kapag si Cristo ay nagsasalita, nagbabahagi ng katotohanan, nangingilatis ng isang indibidwal, o nag-aatas ng isang gawain, mukhang nakikinig sila at nagsusulat, nagpapakita ng pagiging seryoso at ng pakikipagtulungan. Maingat silang nagtatala tungkol sa lahat ng bagay, nagsusulat ng iba’t ibang bagay, na para bang napakainteresado nila sa katotohanan at lubos na pinahahalagahan ang mga sinasabi ni Cristo, na para bang talagang minamahal nila ang katotohanan at hindi natitinag ang katapatan nila kay Cristo. Ngunit makikita ba mula sa gayong mabababaw na pangyayari ang saloobin ng mga taong ito sa katotohanan, ang kanilang disposisyon, at ang kanilang diwa? Hindi. Ang mga gayong tao ay mukhang nagsusulat ng mga tala at nakikinig, ngunit sa puso nila ay ano ba talaga ang iniisip nila? Kapag tinitingnan nila ang kanilang mga tala, iniisip nila, “Ano ba ang lahat ng ito? Wala man lang ni isang kapaki-pakinabang na linya, walang tila mataas o naaayon sa katotohanan, ni wala ring tila lohikal para sa akin. Mas mabuti pang punitin ko na lang ito!” Hindi ba’t isa itong uri ng saloobin? Nakakita na Ako ng maraming tao na tumatango at nagpapakita ng iba’t ibang ekspresyon sa mukha habang nakikinig sa mga sermon, at nagsusulat din ng mga tala, ngunit pagkatapos, hindi talaga nila ito sineseryoso. Hindi nila natatandaan kung ano ang dapat nilang ipatupad, ni isinasapuso o isinasagawa ito. Tungkol naman sa pagsasagawa sa dapat nilang isagawa, mas malamang na hindi iyon mangyayari. Ang kanilang dapat ipatupad ay may kinalaman sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa kanilang tungkulin, at ang dapat nilang pasukin ay may kaugnayan sa kanilang personal na pagpasok. Hindi nila ipinatutupad ang dapat nilang ipatupad, at lalo nang hindi nila sineseryoso ang kanilang personal na pagpasok. Sinasabi nila, “Sinasabi na ang bawat pangungusap na binibigkas at ipinapahayag ni Cristo ay ang katotohanan, ang dapat pasukin ng mga tao, na ito ay pawang ang katotohanan, ang daan, at ang buhay—ngunit wala akong makitang anumang katotohanan o daan sa aking isinusulat sa bawat pagkakataon, at hindi ko rin nararamdaman na ito ay buhay. Kaya paano matutupad ang pahayag na si Cristo ay may diwa ng Diyos? Paano ito maisasakatuparan? Paano ito tutugma sa nakikita ko? Hindi ito madaling maitutugma.” Sinasabi ng ilang tao, “Kung ganito ang kanilang saloobin pagkatapos makinig, bakit pa sila nagsusulat ng mga tala? Mukha naman silang may maayos, seryoso, at responsableng saloobin; ano ang nangyayari?” Isa lang ang dahilan. Kung ang taong hindi nagmamahal sa katotohanan at labis na tutol dito ay nagagawang magmukhang lubos na masigasig at tutok kapag nagsasalita si Cristo, ang tanging layunin nito ay walang iba kundi ang iraos lang ang mga bagay-bagay, hindi ang tunay na pagtanggap. Sa tuwing sila ay nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nakikipag-ugnayan kay Cristo at nakikipag-usap sa Kanya, ang nakikita nila ay hindi ang diumano’y pagiging mataas, di-maarok, o kamangha-mangha ng Diyos kundi ang Kanyang pagiging praktikal, normal, at hindi mahalaga. Samakatwid, mula sa kanilang sariling pananaw at posisyon, imposibleng maiugnay nila ang mga salita ng karaniwang taong ito sa katotohanan, daan, o buhay. Paano man nila tingnan ang taong ito, tao lamang ang kanilang nakikita; hindi nila Siya kayang ituring na Diyos o Cristo. Kaya, imposibleng ituring nila ang mga napakakaraniwang salitang ito bilang ang katotohanan na dapat sundin, isagawa, at gamitin bilang gabay sa pamumuhay, isang mithiin para sa pag-iral, at iba pa—nababagabag sila rito. Sinasabi nila, “Bakit hindi ko makita ang anumang katotohanan sa mga karaniwang salitang ito? Paano ninyo ito nakikita? Hindi ba’t mga karaniwang salita lamang ang mga ito? Ang mga ito ay wika ng tao, teksto ng tao, gramatika ng tao, gumagamit pa nga ng ilang parirala at bokabularyo ng tao, at hinihimay ang ilang kasabihan at aspekto ng kultura ng tao. Paanong tinataglay ng mga salitang ito ang katotohanan? Bakit hindi ko ito makita? Dahil sinasabi ninyong lahat na ito ang katotohanan, susundan ko na lang kayo at gagayahin ko kayong lahat; magsusulat ako ng mga tala dahil iyon ang ginagawa ng lahat, bagama’t itinuturing ninyo Siya bilang ang katotohanan, hinding-hindi ko Siya itinuturing na ganoon. Ang ‘katotohanan’ ay isang napakabanal na salita, dapat ito ay isang napakataas na bagay! Pagdating sa katotohanan, ito ay may kinalaman sa Diyos, at kapag may kinalaman ito sa Diyos, hindi ito maaaring maging masyadong ordinaryo, masyadong walang halaga, masyadong karaniwan. Kaya, paano man ako magsiyasat at magsuri, hindi ako makakita ng anumang tanda ng Diyos sa Kanya. Kung walang tanda ng Diyos sa Kanya, paano Niya tayo maililigtas? Imposible iyon. Kung ang Kanyang mga salita ay hindi makakapagligtas sa atin o makakapagbigay ng pakinabang sa atin, bakit natin Siya susundan? Bakit natin ipatutupad ang Kanyang mga salita? Bakit tayo mamumuhay ayon sa Kanyang mga salita?” Ngayon, ipinakita na nila ang kanilang tunay na kulay bilang mga anticristo, hindi ba? Mula simula hanggang katapusan, mapagsiyasat ang kanilang saloobin sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Walang pagtanggap o pagpapasakop sa paraan ng kanilang pagtrato sa mga salita ng Diyos, at lalo namang hindi nila isinasagawa, ginagamit, o dinaranas ang mga ito. Sa halip, tinatrato nila ang mga salita ng Diyos nang may saloobin ng paglaban, pagsalungat, at pagtanggi. Atubili silang nagsusulat ng ilang tala kapag nakikipag-usap si Cristo sa mga tao, ngunit sa kaibuturan nila, hindi nila tinatanggap ni katiting nito. Pagkatapos makisalamuha kay Cristo, sinasabi ng ilang tao, “Talagang nakakatuwa ang pakikipag-usap at pakikipagbahaginan sa Diyos nang harapan.” Sinasabi ng anticristo, “Susubukan ko rin. Makikipag-usap ako nang harapan kay Cristo at titingnan ko kung ano talaga ang mga ekspresyon ng mukha, mga kilos, at pagsasalita ni Cristo kapag nakikipag-usap Siya sa mga tao. Titingnan ko kung ano ang maaaring matamo o matuklasan ng isang tao mula rito, kung kapaki-pakinabang ba para sa mga tao na maglatag sila ng pundasyon at pagtibayin ang kanilang pananalig sa Kanya bilang ang tunay na Diyos.” Kung may gayon silang saloobin kay Cristo at sa Kanyang mga salita, maaari ba silang magkaroon ng anumang tunay na pagsasagawa o pagsasakatuparan? Hindi. Sila ay walang iba kundi mga manonood lamang na dumating upang panoorin ang nakasasabik na pangyayari, hindi talaga sila narito upang hanapin ang katotohanan. Sa tingin ninyo, ang saloobin ba ng mga taong ito sa pagtrato kay Cristo at pakikipag-usap sa Kanya ay medyo katulad ng sa isang grupo ng mga babaeng magkakapitbahay na nagdadaldalan sa balkonahe, kung saan ang pakikipag-usap sa isa’t isa ay hindi nangangailangan ng pagiging taimtim, at ang lahat ay basta na lamang sinasabi ang gusto nila? Ganito rin ang pagtrato ng mga taong ito kay Cristo: “Ipinapahayag Mo ang Iyong mga pananaw, panghahawakan ko naman ang akin. Tanggapin na lang natin na magkaiba ang pananaw natin; alam Mong hindi Mo ako makukumbinsi, at tiyak na hindi ko tatanggapin ang sinasabi Mo.” Hindi ba’t ganoong uri ng saloobin ito? Ano ang saloobing ito? (Mapanghamak at walang paggalang.) Kakaiba ang mga taong ito. Kung hindi mo naman kinikilala si Cristo bilang ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, bakit ka nananalig at sumusunod sa Kanya? Kung hindi ka nananalig, bakit hindi ka na lang umalis at tapusin na ito? Sino bang pumipilit sa iyo na manalig? Walang pumipilit sa iyo na manalig sa Diyos; sarili mong desisyon iyon.
Kapag nakikinig ang ilang tao sa Aking pagbabahagi tungkol sa isang usapin, mabilis silang nakakabuo ng iba’t ibang opinyon: “Ganoon ang tingin Mo rito, ngunit ganito ang tingin ko rito. May mga ideya Ka sa bawat usapin, at mayroon din ako; ang bawat isa ay may kanya-kanyang ideya.” Anong klaseng nilalang ang magsasabi nito? Kapag nagtutustos ng katotohanan ang Diyos sa mga tao, isang klase lamang ba ito ng argumento? Ang mga salita ba ng Diyos ay isang teoryang pang-akademiko lamang? (Hindi.) Kung gayon, ano ang mga ito? (Ang mga ito ay ang katotohanan.) Maging mas partikular pa kayo. (Ang mga ito ay ang mga prinsipyo at direksyon para sa pag-asal ng tao, ang mga pangangailangan para sa buhay ng mga tao.) Bakit natin sinasabing ang Diyos ay nagtutustos ng katotohanan sa mga tao? Nasabi na ba kailanman na Siya ay nagtutustos ng kaalaman? (Hindi.) Bakit natin sinasabing ang mga salita ng Diyos ay para kainin at inumin ng mga tao? Ang mga salita ng Diyos ay tulad ng pagkain ng mga tao; kayang tustusan ng mga ito ang iyong katawan at hayaan kang mabuhay, at higit pa rito, tinutulutan ka ng mga ito na mamuhay nang maayos, tinutulutan kang mamuhay nang may wangis ng isang tao. Ang mga ito ay buhay para sa isang tao! Ang mga salita ng Diyos ay hindi isang uri ng kaalaman, argumento, o kasabihan. Ang kaalaman, mga argumento, at tradisyonal na kultura ng tao ay maaari lamang gawing tiwali ang mga tao. Kayang mabuhay ng mga tao mayroon man o wala ng mga ito, ngunit kung nais ng isang tao na mabuhay at maging isang karapat-dapat at kwalipikadong nilikha, hindi niya ito magagawa nang wala ang katotohanan. Kaya, ano ba talaga ang katotohanan? (Ito ang pamantayan para sa pag-asal, pagkilos, at pagsamba ng tao sa Diyos.) Tama, mas partikular iyan. Ganito ba ang tingin dito ng mga anticristo? Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito. Tinututulan, nilalabanan, at kinokondena nila ang katunayang ito, kaya hindi nila makakamit ang katotohanan. Sa kanilang mga kaisipan at pananaw, iniisip nila, “Isa Kang ordinaryong tao lamang. Nagsasabi Ka ng isang bagay at ang ibang tao ay nagsasagawa ayon sa Iyong mga salita, kaya bakit hindi ako maaaring magsabi ng isang tamang bagay at ipagawa rin ito sa mga tao? Bakit palaging tama ang sinasabi Mo at ang sinasabi ko ay palaging mali? Bakit itinuturing na katotohanan ang Iyong mga salita samantalang ang sa akin ay itinuturing na kaalaman at mga doktrina?” Hindi ito batay sa anumang bagay—ito ay isang katunayan, at iyon ay tinutukoy sa diwa. Si Cristo ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, at ang Kanyang diwa ay ang Diyos. Walang sinuman ang makapagkakaila nito; kahit pa tumanggi ang mga anticristong kilalanin o tanggapin ito, hindi nila ito maikakaila. Kapag ang tao ay tumalikod kay Cristo at tumanggi sa Kanya, iyon ang sandali ng pagkalipol ng tao. Kung wala si Cristo at ang Kanyang mga salita, walang sinumang maliligtas. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Anong uri ng pagpapatibay ang maibibigay sa mga tao ng mga salita at teoryang iyon ng mga anticristo? Kung hindi tatanggapin ng mga tao ang mga iyon, magdurusa ba sila ng anumang kawalan? Hindi, walang magiging kawalan. Ang mga salita ng mga anticristo ay walang positibong impluwensiya kaninuman, bagkus ay marami ang negatibong epekto ng mga ito. Kung hindi nagsalita si Cristo ng kahit isang pangungusap at pumarito lamang Siya upang mamuhay nang normal sa loob ng ilang taon bago umalis, ano ang makakamit ng sangkatauhan? Bukod sa pagpapasan sa krus, ano pa ang makakamit ng sangkatauhan? Mamumuhay pa rin sila sa kasalanan, nagtatapat at nagsisisi, hindi makaalis sa kasalanan, lalong napapariwara, at sa huli, kapag natapos na ang gawain ng Diyos, lahat sila ay lilipulin. Iyan ang mangyayari sa sangkatauhan. Ngunit dumating si Cristo, ipinahayag ang lahat ng salitang nais sabihin ng Diyos sa tao, itinustos ang lahat ng katotohanang kailangan ng tao, at ibinunyag sa tao kung ano ang mayroon at ano ang Diyos. Hindi ba’t nagdulot ito ng isang punto ng pagbabago para sa tao? Sa madaling salita, hindi ba’t lumikha ang mga salita ni Cristo ng isang punto ng pagbabago para sa tao? (Oo.) Ano ang puntong ito ng pagbabago? Sa pangunahin, ito ay ang paglipat mula sa pagharap ng mga tao sa pagkondena at pagkawasak patungo sa pagkakaroon ng oportunidad at pag-asa na maligtas. Hindi ba’t iyon ay isang punto ng pagbabago? Dumating na ang pag-asa ng mga tao; nakikita nila ang bukang-liwayway at may pag-asa silang maligtas at mabuhay. Kapag nilipol at pinarusahan ng Diyos ang sangkatauhan, makakaiwas sila sa pagkalipol at kaparusahan. Kaya, para sa gayong sangkatauhan na kayang mabuhay, ang mga salita ba ni Cristo ay isang mabuti o masamang bagay? (Isang mabuting bagay.) Ang mga ito ay isang mabuting bagay. Ang labis na pagkapoot at pagkamuhi ng mga anticristo sa gayong Cristo, sa gayong ordinaryong tao, ay tinutukoy ng kanilang diwa.
May isa pang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao: Sinasabi nila, “Nang makita ko si Cristo na isang ordinaryong tao, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro sa aking isipan. Ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay isang pagpapahayag ng Diyos; ito ang katotohanan, at inaamin ko ito. Mayroon akong kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sapat na iyon. Hindi ko na kailangang makipag-ugnayan kay Cristo. Kung may mga kuru-kuro, pagkanegatibo, o kahinaan ako, kaya kong lutasin ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng Diyos. Madaling magkaroon ng mga kuru-kuro kung nakikipag-ugnayan ako sa Diyos na nagkatawang-tao, at ipapakita nito na masyado akong ginawang tiwali. Kung sakaling ako ay kokondenahin ng Diyos, wala na akong pag-asang maligtas. Kaya, mas mabuti na mag-isa ko na lang basahin ang salita ng Diyos. Ang Diyos sa langit ang siyang makakapagligtas sa mga tao.” Ang mga kasalukuyang salita at pagbabahagi ng Diyos, lalo na ang mga salitang iyon na naglalantad sa disposisyon at diwa ng mga anticristo, ang pinakanagpapakirot sa puso ng mga anticristo at ang pinakamasakit para sa kanila. Ito ang mga salitang pinakaayaw basahin ng mga anticristo. Kaya, sa puso ng mga anticristo ay ninanais nilang umalis na agad ang Diyos sa lupa, upang sila ay makapaghari gamit ang kanilang sariling kapangyarihan sa lupa. Naniniwala sila na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang ordinaryong taong ito, ay walang silbi sa kanila. Lagi nilang iniisip, “Bago makinig sa mga sermon ni Cristo, pakiramdam ko ay nauunawaan ko ang lahat, at ayos ako sa lahat ng aspekto, ngunit pagkatapos makinig sa mga sermon ni Cristo, iba na. Ngayon, pakiramdam ko ay wala akong anumang bagay, pakiramdam ko ay napakawalang-halaga ko at kaawa-awa ako.” Kaya, ipinagpapalagay nila na ang mga salita ni Cristo ay hindi sila ang inilalantad kundi ang iba, at iniisip nila na hindi na kailangan pang makinig sa mga sermon ni Cristo, na ang pagbabasa sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay sapat na. Sa puso ng mga anticristo, ang pangunahing layunin nila ay ang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang itatwa ang katunayan na ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan, iniisip nila na sa ganitong paraan ay may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at maaari silang maghari bilang mga hari sa iglesia, kaya natutugunan ang kanilang unang layunin sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga anticristo ay may kalikasan ng paglaban sa Diyos; sila ay di-kaayon ng nagkatawang-taong Diyos, tulad ng apoy sa tubig, walang hanggan ang kanilang hindi pagkakasundo. Iniisip nila na bawat araw na naririto si Cristo ay isang araw na mahirap para sa kanila na mamukod-tangi, at sila ay nasa panganib na makondena, matiwalag, mawasak, at maparusahan. Hangga’t hindi nagsasalita at hindi gumagawa si Cristo, at hangga’t ang mga hinirang na tao ng Diyos ay hindi tumitingala kay Cristo, kung gayon ang pagkakataon ng mga anticristo ay nasa kanila. May pagkakataon silang ipakita ang kanilang mga abilidad. Sa isang kumpas ng kamay, maraming tao ang lilipat sa kanilang panig, at ang mga anticristo ay makapaghahari. Ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at may pagkamuhi kay Cristo. Nakikipagkompitensiya sila kay Cristo kung sino ang mas may talento o sino ang mas magaling; nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung kaninong mga salita ang may higit na kapangyarihan at kaninong mga abilidad ang mas mahusay. Habang ginagawa nila ang parehong bagay na tulad ng kay Cristo, nais nilang ipakita sa iba na bagaman sila at Siya ay parehong tao, ang mga abilidad at karunungan ni Cristo ay hindi higit sa isang ordinaryong tao. Ang mga anticristo ay nakikipagkompetensiya kay Cristo sa lahat ng paraan, nakikipagpaligsahan kung sino ang mas magaling, at sinusubukang itanggi mula sa lahat ng anggulo ang katunayan na si Cristo ay Diyos, na Siya ang kumakatawan sa Espiritu ng Diyos, at na Siya ang kumakatawan sa katotohanan. Nag-iisip din sila ng iba’t ibang paraan at hakbang sa bawat aspekto upang pigilan si Cristo na magkaroon ng kapangyarihan sa mga hinirang na tao ng Diyos, upang pigilan ang mga salita ni Cristo na maipalaganap o maipatupad sa mga hinirang na tao ng Diyos, at pigilan pa nga ang mga bagay na ginagawa ni Cristo at ang Kanyang mga hinihingi, at mga inaasahan sa mga tao na maisakatuparan sa mga hinirang na tao ng Diyos. Para bang kapag naririto si Cristo, sila ay binabalewala, at sila ay kinokondena at tinatanggihan ng iglesia—isang grupo ng mga taong binabalewala. Makikita natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na ayon sa diwa at disposisyon, sila ay palaging salungat kay Cristo—hindi sila puwedeng magsama! Ang mga anticristo ay kaaway na ng Diyos mula nang sila ay ipinanganak; sila ay narito upang labanan ang Diyos, at nais nilang talunin at pabagsakin si Cristo. Nais nila na ang lahat ng gawain ni Cristo ay maging walang kabuluhan at walang saysay, upang sa huli, si Cristo ay hindi magkakamit ng maraming tao, at upang kahit saan man Siya gumawa, wala Siyang makukuhang resulta. Sa gayon lamang magiging masaya ang mga anticristo. Kung si Cristo ay nagpapahayag ng mga katotohanan, at ang mga tao ay nauuhaw para sa mga ito, hinahanap ang mga ito, malugod na tinatanggap ang mga ito, handang gugulin ang kanilang sarili para kay Cristo, talikdan ang lahat at ipalaganap ang ebanghelyo ni Cristo, ang mga anticristo ay nalulugmok sa depresyon at nararamdaman nilang wala nang pag-asa para sa hinaharap, na hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataon na sumikat, para bang sila ay itinapon sa impiyerno. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ang diwa ba nilang ito na labanan ang Diyos at tratuhin Siya nang may pagkamuhi ay itinuro sa kanila ng iba? Hinding-hindi; sila ay ipinanganak nang may ganito. Kaya, ang mga anticristo ay isang uri ng tao, na mula nang sila ay ipinanganak, ay ang reengkarnasyon ng diyablo, ang diyablo na dumating sa lupa. Hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, at hindi nila kailanman matatanggap si Cristo, dinadakila si Cristo, o hindi sila kailanman magpapatotoo kay Cristo. Bagaman sa panlabas, hindi mo sila makikita na hayagang hinahatulan o kinokondena si Cristo, at bagaman masunurin silang gumugugol ng kaunting pagsisikap at nagbabayad ng halaga, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, kapag tamang oras na, ang pagsalungat ng mga anticristo sa Diyos ay ipapakita ng sarili nito. Ang katunayan na lumalaban ang mga anticristo sa Diyos at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ay maisasapubliko. Ang lahat ng bagay na ito ay nangyari na dati sa mga lugar kung saan may mga anticristo, at lalo nang dumalas ang mga ganitong kaganapan sa mga taon na ito kung kailan ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw; maraming tao ang nakaranas at nakasaksi sa mga ito.
Hunyo 27, 2020