Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi)
I. Binuo ni Noe ang Arka
Ngayon ay magsisimula Ako sa pagsasalaysay sa inyo ng ilang kuwento. Makinig sa paksang babanggitin Ko, at tingnan kung mayroon itong anumang koneksyon sa mga temang tinalakay natin dati. Hindi malalim ang mga kwentong ito, dapat siguro ay maunawaan ninyo ang lahat ng ito. Naikwento na natin ang mga ito dati, mga lumang kwento na ang mga ito. Una sa lahat ay ang kuwento ni Noe. Noong panahon ni Noe, sukdulan ang katiwalian ng sangkatauhan: Sumamba ang mga tao sa mga idolo, lumaban sa Diyos, at gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Nakita ng mga mata ng Diyos ang paggawa nila ng masama, nakarating sa pandinig ng Diyos ang mga salitang kanilang sinambit, at nagpasya ang Diyos na pupuksain Niya ang lahing ito ng tao sa isang baha, na wawasakin Niya ang mundong ito. Kaya lilipulin ba ang lahat ng tao, wala ni isang matitira? Hindi. Pinalad ang isang tao, pinaboran siya ng Diyos, at hindi siya ang magiging puntirya ng pagwawasak ng Diyos: Ang taong ito ay si Noe. Si Noe ang matitira matapos wasakin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha. Matapos magpasya na wawakasan Niya ang kapanahunang ito at lilipulin ang sangkatauhang ito, may ginawa ang Diyos. Ano iyon? Isang araw, nanawagan ang Diyos kay Noe mula sa langit. Sinabi Niya, “Noe, nakarating sa Aking pandinig ang kasamaan ng sangkatauhang ito, at nagpasya Akong wasakin ang mundong ito sa pamamagitan ng baha. Gagawa ka ng isang arka mula sa kahoy na gofer. Ibibigay Ko sa iyo ang sukat ng arka, at kailangan mong tipunin ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang para ilagay sa loob ng arka. Kapag natapos na ang arka at natipon na sa loob ang magkapares na lalaki at babae ng bawat nabubuhay na nilikha ng Diyos, darating ang araw ng Diyos. Sa panahong iyon, bibigyan kita ng isang hudyat.” Matapos sambitin ang mga salitang ito, umalis na ang Diyos. At matapos marinig ang mga salita ng Diyos, sinimulang isagawa ni Noe ang bawat isang gawaing sinabi ng Diyos, nang walang kinaliligtaan. Ano ang kanyang ginawa? Naghanap siya ng kahoy na gofer na binanggit ng Diyos, at ng iba’t ibang materyales na kailangan sa pagbuo ng arka. Naghanda rin siya para sa pagtitipon at pagtutustos ng bawat uri ng nabubuhay na nilalang. Nakaukit sa kanyang puso ang dalawang mabibigat na gawaing ito. Mula nang ipagkatiwala ng Diyos ang pagbuo ng arka kay Noe, kailanman ay hindi inisip ni Noe sa kanyang sarili, “Kailan wawasakin ng Diyos ang mundo? Kailan Niya ibibigay sa akin ang hudyat na gagawin Niya iyon?” Sa halip na pagnilayan ang mga bagay na iyon, sinikap nang husto ni Noe na tandaan ang bawat bagay na sinabi sa kanya ng Diyos, at pagkatapos ay isagawa ang bawat isa. Matapos tanggapin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nagsimula na si Noe na isagawa at isakatuparan ang pagbuo ng arka na sinabi ng Diyos na para bang ito ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, nang walang kahit katiting na tanda ng pagiging walang ingat. Nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga taon, araw-araw, taun-taon. Hindi kailanman pinuwersa ng Diyos si Noe, ngunit sa buong panahong ito, nagtiyaga si Noe sa mahalagang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Bawat salita at pariralang binigkas ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe na parang mga salitang nakaukit sa tapyas na bato. Hindi alintana ang mga pagbabago sa mundo sa labas, ang pangungutya ng mga tao sa paligid niya, ang kaakibat na hirap, o ang mga paghihirap na dinanas niya, nagtiyaga siya, sa lahat ng ito, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nawawalan ng pag-asa o nag-iisip na sumuko. Ang mga salita ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe, at ang mga ito ang kanyang naging pang-araw-araw na realidad. Inihanda ni Noe ang bawat mga materyales na kailangan sa pagbubuo ng arka, at ang anyo at mga detalye para sa arka na iniutos ng Diyos ay unti-unting nagkahugis sa bawat maingat na pukpok ng martilyo at pait ni Noe. Sa lahat ng paghangin at pag-ulan, at paano man siya kinutya o siniraan ng mga tao, nagpatuloy ang buhay ni Noe sa ganitong paraan, taun-taon. Lihim na minasdan ng Diyos ang bawat kilos ni Noe, nang hindi kailanman bumibigkas ng isa pang salita sa kanya, at naantig ni Noe ang Kanyang puso. Gayunman, hindi ito nalaman ni nadama ni Noe; mula simula hanggang wakas, binuo lamang niya ang arka, at tinipon ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang, nang hindi natitinag ang katapatan sa mga salita ng Diyos. Sa puso ni Noe, walang mas dakilang tagubilin na dapat niyang sundin at isagawa: ang mga salita ng Diyos ang kanyang panghabambuhay na direksyon at mithiin. Kaya, anuman ang sinabi sa kanya ng Diyos, anuman ang ipinagawa sa kanya ng Diyos, ang iniutos sa kanyang gawin, ganap na tinanggap ito ni Noe, at ikinintal ito sa kanyang memorya; itinuring at pinangasiwaan niya ito bilang ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay. Hindi lamang niya ito hindi kinalimutan, hindi lamang niya ito ipinako sa kanyang isipan, kundi isinakatuparan niya itosa kanyang pang-araw-araw na buhay, ginagamit ang kanyang buhay para tanggapin at isagawa ang atas ng Diyos. At sa ganitong paraan, sa paisa-isang tabla, nabuo ang arka. Bawat galaw ni Noe, bawat araw niya, ay inilaan sa mga salita at utos ng Diyos. Maaaring hindi mukhang nagsagawa si Noe ng isang napakadakilang gawain, ngunit sa mga mata ng Diyos, lahat ng ginawa ni Noe, maging ang bawat hakbang na kanyang ginawa para may makamit, bawat kayod ng kanyang kamay—lahat ng iyon ay mahalaga, at nararapat gunitain, at nararapat tularan ng sangkatauhang ito. Sumunod si Noe sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hindi siya natinag sa kanyang paniniwala na ang bawat salitang binigkas ng Diyos ay totoo; wala siyang pagdududa rito. At bilang resulta, natapos ang arka, at ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay nabuhay roon. Bago winasak ng Diyos ang mundo, binigyan Niya ng isang hudyat si Noe, na nagsabi kay Noe na nalalapit na ang baha, at na dapat siyang sumakay kaagad sa arka. Ginawa ni Noe ang mismong sinabi ng Diyos. Pagkasakay ni Noe sa arka, nang bumuhos ang malakas na ulan mula sa kalangitan, nakita ni Noe na nagkatotoo na ang mga salita ng Diyos, na natupad na ang Kanyang mga salita: sumapit na ang matinding galit ng Diyos sa mundo, at hindi mababago ng sinuman ang lahat ng ito.
Ilang taon ang binilang bago natapos ni Noe ang arka? (120 taon.) Ano ang kinakatawan ng 120 taon para sa mga tao sa kasalukuyan? Mas mahaba iyon kaysa sa haba ng buhay ng isang normal na tao. Mas mahaba pa marahil kaysa sa haba ng buhay ng dalawang tao. Subalit sa 120 taon na ito, ginawa ni Noe ang isang bagay, at ginawa niya ang bagay ring iyon araw-araw. Sa panahong iyon na wala pang mga industriya, sa kapanahunang iyon bago nagkaroon ng pagpaparating ng impormasyon, sa kapanahunang iyon kung saan lahat ay umasa sa dalawang kamay at pisikal na pagtatrabaho ng mga tao, ginawa ni Noe ang iisang bagay araw-araw. Sa loob ng 120 taon, hindi siya sumuko o tumigil. Isang daan at dalawampung taon: Paano ito mabubuo sa ating isipan? May iba pa kaya sa sangkatauhan na mananatiling tapat sa paggawa ng isang bagay sa loob ng 120 taon? (Wala.) Hindi nakakagulat na walang sinumang maaaring manatiling tapat sa paggawa ng isang bagay sa loob ng 120 taon. Subalit may isang taong nagtiyaga, sa loob ng 120 taon, nang walang pagbabago, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nagrereklamo o sumusuko, hindi nagpapaapekto sa anumang nangyayari sa labas, at sa huli ay natapos ito ayon mismo sa sinabi ng Diyos. Anong uri ng bagay ito? Sa sangkatauhan, ito ay bihira, hindi karaniwan—kakaiba pa nga. Sa mahabang kasaysayan ng tao, sa lahat ng sumunod sa Diyos sa sangkatauhan, lubos itong walang katulad. Pagdating sa lawak at hirap ng kinailangang pag-iinhinyero, antas ng kinailangang lakas ng katawan at puwersa, at tagal ng paggawa nito, hindi ito madaling gawin, kaya nga, nang gawin ni Noe ang bagay na ito, naging natatangi ito sa sangkatauhan, at isa siyang uliran at huwaran sa lahat ng sumusunod sa Diyos. Iilang mensahe lang ang narinig ni Noe, at noong panahong iyon ay hindi nagpahayag ng maraming salita ang Diyos, kung kaya walang dudang maraming katotohanan ang hindi naunawaan ni Noe. Hindi niya naiintindihan ang makabagong siyensya o makabagong kaalaman. Isa siyang napakaordinaryong tao, isang hindi kapansin-pansing miyembro ng sangkatauhan. Subalit sa isang aspeto, hindi siya katulad ng sinupaman: Marunong siyang sumunod sa mga salita ng Diyos, marunong siyang tumalima at sumunod sa mga salita ng Diyos, alam niya kung ano ang katayuan ng tao, at nagawa niyang tunay na maniwala at magpasakop sa mga salita ng Diyos—wala nang iba. Ang mga simpleng prinsipyong ito ay sapat na para tulutan si Noe na isakatuparan ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at nagtiyaga siya rito hindi lamang sa loob ng ilang buwan, ni ilang taon, ni ilang dekada, kundi sa loob ng mahigit isang siglo. Hindi ba kagila-gilalas ang numerong ito? Sino ang ibang makakagawa nito maliban kay Noe? (Walang iba.) At bakit wala? Sinasabi ng ilang tao na ito ay dahil sa hindi pagkaunawa sa katotohanan—ngunit hindi iyan alinsunod sa katunayan. Ilang katotohanan ang naunawaan ni Noe? Bakit nakaya ni Noe ang lahat ng ito? Nabasa na ng mga mananampalataya ngayon ang marami sa mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang ilang katotohanan—kaya bakit hindi nila ito makayang gawin? Sinasabi ng iba na ito ay dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao—ngunit wala bang tiwaling disposisyon si Noe? Bakit nagawa ito ni Noe, pero hindi ng mga tao ngayon? (Dahil ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi nila itinuturing ni sinusunod ang mga iyon bilang katotohanan.) At bakit hindi nila maituring na katotohanan ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila kayang sumunod sa mga salita ng Diyos? (Wala silang isang may-takot-sa-Diyos na puso.) Kaya kapag walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan, at hindi pa nila naririnig ang maraming katotohanan, paano lumilitaw sa kanila ang isang may-takot-sa-Diyos na puso? (Dapat magkaroon sila ng pagkatao at konsensiya.) Tama iyan. Sa pagkatao ng mga tao, kailangan ay mayroon ng dalawang pinakamahahalagang bagay sa lahat: Ang una ay konsiyensiya, at ang pangalawa ay ang katwiran ng normal na pagkatao. Ang pagkakaroon ng konsiyensiya at katwiran ng normal na pagkatao ang pinakamababang pamantayan sa pagiging isang tao; ito ang pinakamababa at pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat sa isang tao. Ngunit wala nito ang mga tao sa kasalukuyan, kaya nga gaano man karaming katotohanan ang naririnig at nauunawaan nila, hindi nila maarok ang pagkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kaya ano ang esensyal na pagkakaiba ng mga tao sa kasalukuyan kay Noe? (Wala silang pagkatao.) At ano ang diwa ng kawalan ng pagkatao na ito? (Mga hayop at demonyo sila.) Hindi magandang pakinggan ang “mga hayop at demonyo,” pero naaayon ito sa mga katunayan; ang isang mas magalang na paraan ng pagsasabi niyon ay na wala silang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao at katwiran ay hindi mga tao, masahol pa nga sila sa mga hayop. Kaya nakumpleto ni Noe ang atas ng Diyos ay dahil nang marinig ni Noe ang mga salita ng Diyos, nagawa niyang isaisip ang mga iyon; para sa kanya, ang atas ng Diyos ay isang panghabambuhay na gawain, matibay ang kanyang pananampalataya, hindi nagbago ang kanyang kahandaan sa loob ng isandaang taon. Iyon ay dahil mayroon siyang may-takot-sa-Diyos na puso, isa siyang tunay na tao, at malakas ang katwiran niya na ipinagkatiwala ng Diyos ang pagbubuo ng arka sa kanya. Ang mga taong may pagkatao at katwiran na katulad ni Noe ay bihirang-bihira, napakahirap makatagpo ng gayong tao.
Isang bagay lamang talaga ang nagawa ni Noe. Napakasimple nito: Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, isinagawa niya ang mga ito, at ginawa niya ang mga ito nang walang pagkokompromiso. Hindi siya kailanman nagkaroon ng mga pagdududa, ni siya kailanman sumuko. Patuloy niyang ginawa ang anumang ipagawa ng Diyos, isinagawa at ipinatupad niya ito sa paraang sinabi sa kanya ng Diyos nang walang pakikipagkompromiso, nang hindi iniisip ang dahilan, o ang kanyang sariling kapakinabangan o kawalan. Naalala niya ang mga salita ng Diyos: “Wawasakin ng Diyos ang mundo. Kailangan mong bumuo kaagad ng isang arka, at kapag natapos na ito at dumating ang tubig-baha, sasakay kayong lahat sa arka, at ang lahat ng mga hindi sasakay sa arka ay mamamatay.” Hindi niya alam kung kailan mangyayari ang sinabi ng Diyos, pero alam niyang matutupad ang sinabi ng Diyos, na lahat ng salita ng Diyos ay totoo, wala ni isang salita ang huwad, at na sa kung kailan mangyayari ang mga ito, kung anong oras matutupad ang mga ito, nakasalalay iyon sa Diyos; Alam niya na ang tanging tungkulin niya sa oras na iyon ay matatag na alalahanin ang lahat ng sinabi ng Diyos, at pagkatapos ay huwag mag-aksaya ng oras sa pagsasagawa nito. Iyon ang nasa isipan ni Noe. Ito ang naisip niya, at ito ang kanyang ginawa, ang mga ito ang mga katunayan. Kaya, ano ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ninyo at ni Noe? (Kapag naririnig namin ang salita ng Diyos, hindi namin ito isinasagawa.) Pag-uugali ito, ano ang pangunahing pagkakaiba? (Kulang kami sa pagkatao.) Ito ay dahil taglay ni Noe ang dalawang pinakabatayang bagay na dapat taglayin ng tao—ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi ninyo taglay ang mga bagay na ito. Patas bang sabihin na si Noe ay matatawag na isang tao, at hindi kayo karapat-dapat na matawag na gayon? (Oo.) Bakit Ko sinasabi ito? Naroon ang mga katotohanan: Patungkol sa ginawa ni Noe, kalimutan ninyo ang kalahati, ni hindi ninyo kayang gawin kahit ang isang maliit na bahagi niyon. Nagawang magpatuloy ni Noe sa loob ng 120 taon. Hanggang ilang taon kayo makapagpapatuloy? 100? 50? 10? Lima? Dalawa? Kalahating taon? Sino sa inyo ang makapagpapatuloy sa loob ng kalahating taon? Ang paglabas at paghahanap ng kahoy na binanggit ng Diyos, pagpuputol nito, pagtatalop ng balat ng kahoy, pagpapatuyo ng kahoy, pagkatapos ay pagpuputol ng mga ito sa iba’t ibang hugis at sukat—patuloy ba ninyong magagawa iyan sa loob ng kalahating taon? Karamihan sa inyo ay umiiling—ni hindi ninyo kayang gawin iyon sa loob ng kalahating taon. Mga tatlong buwan kaya? Sinasabi ng ilang tao, “Palagay ko mahirap din ang tatlong buwan. Maliit ako at maselan. May mga lamok at iba pang mga insekto sa gubat, may mga langgam at pulgas din. Hindi ko matitiis kung makagat ako ng lahat ng iyon. Bukod pa riyan, ang pagpuputol ng kahoy araw-araw, ang paggawa niyong marumi at nakakapagod na gawain, sa labas habang mainit ang araw at malakas ang hangin, wala pang dalawang araw ay sunog na ang balat ko. Hindi ganyan ang uri ng trabahong gusto kong gawin—mayroon bang mas madali na maaaring ipagawa sa akin?” Mapipili mo ba ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi mo ito magagawa sa loob ng tatlong buwan, mayroon ka bang tunay na pagpapasakop? Mayroon ka bang realidad ng pagsunod? (Wala.) Hindi ka tatagal nang tatlong buwan. Kaya, mayroon bang sinuman na makakatagal nang kalahating buwan? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako marunong kumilala ng kahoy na gofer o magputol ng mga puno. Ni hindi ko alam kung saan babagsak ang puno kapag pinutol mo ito—paano kung sa akin bumagsak ito? Maliban pa riyan, matapos putulin ang mga puno, isa o dalawang punong kahoy lamang ang kaya kong buhatin. Kapag higit pa roon, mababali na ang likod ko at mga balikat, hindi ba?” Ni hindi mo kayang gawin iyon sa loob ng kalahating buwan. Kaya, ano ang magagawa ninyo? Ano ang maisasagawa ninyo kapag hinilingan kayong sumunod sa mga salita ng Diyos, na magpasakop sa mga salita ng Diyos, isakatuparan ang Kanyang mga salita? Maliban sa paggamit ng mga computer at pag-uutos, ano pa ang kaya ninyong gawin? Kung panahon ito ni Noe, kayo kaya ang tatawagin ng Diyos? Siguradong hindi! Hindi kayo ang tatawagin ng Diyos; hindi kayo ang papaboran nng Diyos. Bakit? Dahil hindi ka isang taong nakapagpapasakop matapos na marinig ang mga salita ng Diyos. At kung ganyang uri ka ng tao, nararapat ka bang mabuhay? Kapag dumating ang baha, nararapat ka bang makaligtas? (Hindi.) Kung hindi, pupuksain ka. Anong uri ka ng tao, kung hindi mo maisakatuparan ang mga salita ng Diyos sa loob ng kahit kalahating buwan man lang? Talaga bang naniniwala ka sa Diyos? Kung hindi mo kayang isagawa ang mga salita ng Diyos matapos marinig ang mga ito, kung hindi ka makatagal nang kalahating buwan, hindi mo man lamang matagalan ang dalawang linggo ng paghihirap, ano ang epekto sa iyo ng kaunting katotohanang nauunawaan mo? Kung ni wala itong epekto para umayos ka, para sa iyo, puro ilang salita lamang ang katotohanan, at talagang walang silbi ito. Anong uri ka ng tao kung nauunawaan mo ang lahat ng katotohanang iyon, subalit kapag hinilingan kang isakatuparan ang mga salita ng Diyos at dumanas ng hirap sa loob ng 15 araw ay hindi mo ito matagalan? Sa mga mata ng Diyos, isa ka bang kwalipikadong nilikha? (Hindi.) Kung isasaalang-alang ang pagdurusa at 120 taon ng pagtitiyaga ni Noe, higit pa sa maiksing distansya ang pagkakaiba ninyo—hindi maikukumpara. Ang dahilan kaya tinawag ng Diyos si Noe at ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng gusto Niyang ipagawa ay dahil, sa paningin ng Diyos, nagawa ni Noe na sumunod sa Kanyang mga salita, isa siyang taong maaaring pagkatiwalaan ng isang dakilang gawain, siya ay mapagkakatiwalaan, at siya ay isang taong maisasakatuparan ang gustong ipagawa ng Diyos; sa mga mata ng Diyos, ito ang isang tunay na tao. At kayo? Hindi ninyo maisasakatuparan ang anuman sa mga bagay na ito. Hindi mahirap isipin kung ano kayong lahat sa mga mata ng Diyos. Mga tao ba kayo? Akma ba kayong tawaging mga tao? Ang sagot ay malinaw: Hindi! Pinaikli Ko ang panahon hangga’t maaari, sa 15 araw, dalawang linggo lamang, at walang sinuman sa inyo ang nagsabi na kaya ninyong gawin ito. Ano ang ipinapakita nito? Na ang inyong pananampalataya, katapatan at pagpapasakop ay balewalang lahat. Ang pinaniniwalaan ninyong pananampalataya, katapatan at pagpapasakop ay walang kuwenta sa Akin! Ipinagyayabang ninyo na napakagaling ninyo, ngunit sa Aking pananaw ay napakalaki ng kulang sa inyo!
Ang isa sa mga bagay sa kuwento ni Noe na lubhang hindi kapani-paniwala, lubhang kahanga-hanga, lubhang karapat-dapat tularan, ay ang kanyang 120 taon ng pagtitiyaga, kanyang 120 taong pagpapasakop at katapatan. Kita ninyo, nagkamali ba ang Diyos sa pinili Niyang tao? (Hindi.) Ang Diyos ay ang Diyos na pinagmamasdan ang kaloob-looban ng tao. Sa gitna ng malawak na dagat ng mga tao, pinili Niya si Noe, tinawag Niya si Noe, at hindi nagkamali ang Diyos sa Kanyang pinili: Namuhay si Noe ayon sa Kanyang mga inaasahan, matagumpay niyang nakumpleto ang naipagkatiwala sa kanya ng Diyos. Ito ay patotoo. Ito ang gusto ng Diyos, ito ay patotoo! Ngunit sa inyo, mayroon bang pahiwatig o mungkahi tungkol dito? Wala. Malinaw, walang gayong patotoo sa inyo. Ang nalantad sa inyo, ang nakikita ng Diyos, ay ang tanda ng kahihiyan; wala ni isang bagay roon na kapag binanggit ay maaaring magpaluha sa mga tao. Tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ni Noe, lalo na ang matatag niyang paniniwala sa mga salita ng Diyos na walang pagdududa at pagbabago sa loob ng isang siglo, at pagtitiyaga niyang magawa ang arko na hindi nag-alinlangan sa loob ng isang siglo, at tungkol sa pananampalatayang ito at paghahangad niya, walang sinuman sa modernong panahon ang maihahambing kay Noe, walang makakapantay sa kanya. Gayumpaman, walang may pakialam sa katapatan at pagpapasakop ni Noe, walang naniniwala na may anuman dito na karapat-dapat pahalagahan at tularan ng mga tao. Sa halip, ano ang mas mahalaga sa mga tao ngayon? Ang pag-uulit ng mga islogan at pagsasabi ng mga doktrina. Tila nauunawaan nila ang maraming katotohanan, at na natamo na nila ang katotohanan—pero kumpara kay Noe, hindi pa nila natatamo ang isang daan, isang libo, ng nagawa niya. Napakalaki ng kakulangan nila. Napakalaki ng pagkakaiba. Mula sa paggawa ni Noe ng arko, natuklasan ba ninyo kung anong uri ng mga tao ang minamahal ng Diyos? Anong uri ng kalidad, puso, at integridad ang makikita sa mga minamahal ng Diyos? Taglay ba ninyo ang lahat ng bagay na ito na ginawa ni Noe? Kung pakiramdam mo na mayroon kang pananampalataya at karakter ni Noe, kung gayon medyo maiintindihan kung magtatakda ka ng mga kondisyon sa Diyos, at subukang makipagkasundo sa Kanya. Kung pakiramdam mo ay wala talaga ang mga ito sa iyo, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Huwag mo nang bolahin ang sarili mo—wala kang kwenta. Sa mga mata ng Diyos, mas masahol ka pa kaysa sa isang uod. At mayroon ka pa ring lakas ng loob na magtakda ng mga kondisyon at makipagkasundo sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Kung masahol pa ako sa uod, maglingkod na lang kaya ako bilang isang aso sa sambahayan ng Diyos?” Hindi, hindi ka angkop para dito. Bakit? Ni hindi mo mabantayang mabuti ang pinto ng sambahayan ng Diyos, kaya sa mga mata Ko, ni hindi ka pa nga kapantay ng isang asong-bantay. Masakit ba ang mga salitang ito para sa inyo? Hindi ba kaaya-aya na marinig ito? Hindi nito intensyon na saktan ang inyong pagpapahalaga sa sarili; ito ay isang pahayag na batay sa katunayan, isang pahayag na batay sa ebidensya, at hindi ito mali ni katiting. Ganito kayo mismo kumilos, ang mismong nakikita sa inyo; ganito mismo ninyo tinatrato ang Diyos, at ganito rin ninyo tinatrato ang lahat ng ipinagkakatiwala sa inyo ng Diyos. Pawang totoo at galing sa puso ang lahat ng sinabi Ko. Dito na natin tatapusin ang pagtatalakay sa kuwento ni Noe.
II. Inialay ni Abraham si Isaac
May isa pang kuwento na karapat-dapat isalaysay: ang kuwento ni Abraham. Isang araw, dalawang sugo ang dumating sa tahanan ni Abraham, na masigla silang tinanggap. Ang mga sugo ay naatasang sabihin kay Abraham na pagkakalooban siya ng Diyos ng isang anak na lalaki. Pagkarinig na pagkarinig niya nito, labis na natuwa si Abraham: “Salamat sa aking Panginoon!” Ngunit sa likod nila, humagikgik sa sarili ang asawa ni Abraham na si Sara. Ang ibig sabihin ng kanyang paghagikgik ay, “Imposible iyan, matanda na ako—paano pa ako magkakaanak? Napakalaking biro na bibigyan ako ng anak na lalaki!” Hindi ito pinaniwalaan ni Sara. Narinig ba ng mga sugo ang paghagikhik ni Sarah? (Oo.) Siyempre narinig nila, at nakita rin ito ng Diyos. At ano ang ginawa ng Diyos? Patagong nakamasid ang Diyos. Hindi naniwala roon si Sara, ang mangmang na babaeng iyon—ngunit dumaranas ba ng panggugulo ang itinakdang gawin ng Diyos? (Hindi.) Hindi ito nakararanas ng panggugulo ng sinumang tao. Kapag nagpasya ang Diyos na gumawa ng isang bagay, maaaring sabihin ng ilang tao, “Hindi ako naniniwala roon, kontra ako, ayaw ko, tutol ako, may problema ako rito.” May kabuluhan ba ang kanilang mga salita? (Wala.) Kaya kapag nakikita ng Diyos na mayroong mga hindi sang-ayon, na mayroong sinasabi, na hindi naniniwala, kailangan ba Niyang magpaliwanag sa kanila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa kanila ang mga paraan at kung ano ang Kanyang ginagawa? Ginagawa ba iyon ng Diyos? Hindi. Hindi Niya pinapansin ang ginagawa at sinasabi ng mga mangmang na taong ito, wala Siyang pakialam sa kanilang saloobin. Sa Kanyang puso, ang napagpasyahang gawin ng Diyos ay matagal nang nakataga sa bato: Ito ang Kanyang ginagawa. Ang lahat ng bagay at kaganapan ay nasa ilalim ng kontrol at kapangyarihan ng mga kamay ng Diyos, pati na kapag ang isang tao ay may anak, at kung anong uri ng anak ang mga ito—malinaw na nasa mga kamay rin ito ng Diyos. Sa katunayan, nang magpadala ng mga sugo ang Diyos para sabihin kay Abraham na bibigyan Niya siya ng isang anak na lalaki, matagal nang naiplano ng Diyos ang maraming bagay na gagawin Niya kalaunan. Anong mga responsibilidad ang babalikatin ng anak na iyon, anong uri ang magiging buhay niya, anong klase ng mga inapo ang magkakaroon siya—matagal nang naiplano ng Diyos ang lahat ng ito, at walang magiging mga pagkakamali o pagbabago. Kaya mababago ba ng paghagikgik ng kung sinong hangal na babae ang anuman? Wala itong mababago. At nang dumating ang panahon, ginawa ng Diyos ang plinano Niya, at ang lahat ng ito ay natupad ayon sa sinabi at itinakda ng Diyos.
Nang si Abraham ay 100 taong gulang na, binigyan siya ng Diyos ng isang anak na lalaki. Dahil 100 taon nang nabuhay na walang anak, nakakabagot at malungkot ang mga araw ng buhay ni Abraham. Ano ang pakiramdam ng 100 taong gulang na lalaki na walang mga anak, lalo na’t walang isang anak na lalaki? “May kulang sa buhay ko. Hindi ako binigyan ng Diyos ng isang anak na lalaki, at ang buhay ko ay medyo malungkot, medyo may panghihinayang.” Ngunit ano ang lagay ng loob ni Abraham nang magpadala ng mga sugo ang Diyos para sabihin sa kanya na siya ay bibigyan ng isang anak na lalaki? (Katuwaan.) Maliban sa nag-uumapaw na kagalakan, napuno rin siya ng pag-asam. Pinasalamatan niya ang Diyos sa Kanyang biyaya, sa pagtutulot sa kanya na magpalaki ng isang anak sa mga natitirang taon sa kanyang buhay. Napakagandang bagay nito, at ganoon ito nangyari. Kaya ano ang kanyang mga ikasisiya? (Nagkaroon siya ng mga inapo, magpapatuloy ang angkan ng kanyang pamilya.) Isa iyan. May isa pa na napakasayang bagay rin—ano iyon? (Personal na ipinagkaloob ng Diyos ang batang ito.) Tama. Kapag magkakaanak ang isang ordinaryong tao, dumarating ba ang Diyos at sinasabi sa kanila? Sinasabi ba Niya, “Personal Kong ipinagkakaloob sa iyo ang batang ito na ipinangako Ko sa iyo”? Ito ba ang ginagawa ng Diyos? Hindi. Kaya ano ang espesyal tungkol sa batang ito? Nagpadala ng mga sugo ang Diyos para personal na sabihin kay Abraham, “Sa edad na 100, tatanggap ka ng isang anak, na personal na ipinagkakaloob ng Diyos.” Ito ang espesyal tungkol sa bata: Ang Diyos ang nagbalita tungkol sa kanya, at personal siyang ibinigay ng Diyos. Napakasayang bagay nito! At hindi ba’t ang espesyal na kahalagahan ng batang ito ay dahilan para kung anu-ano ang isipin ng mga tao? Ano ang naging pakiramdam ni Abraham nang masaksihan niya ang pagsilang ng batang ito? “Sa wakas ay nagkaroon din ako ng isang anak. Natupad na ang mga salita ng Diyos; sinabi ng Diyos na bibigyan Niya ako ng isang anak, at ginawa nga Niya ito!” Nang isilang ang batang ito at kinarga niya ito sa kanyang mga bisig, ang una niyang nadama ay, “Ang batang ito ay hindi ko natanggap mula sa mga kamay ng tao, kundi mula sa mga kamay ng Diyos. Tamang-tama ang panahon ng pagdating ng batang ito. Ipinagkaloob siya ng Diyos, at kailangan ko siyang palakihin nang maayos, at turuan siya nang husto, at hikayatin siyang sambahin ang Diyos at sumunod sa mga salita ng Diyos, sapagkat siya ay mula sa Diyos.” Labis ba niyang minahal ang batang ito? (Oo.) Ito ay isang espesyal na bata. Idagdag pa riyan ang edad ni Abraham, at hindi mahirap isipin kung gaano niya minahal ang batang ito. Ang pagmamahal, pagsuyo, at pagkagiliw ng isang karaniwang tao sa kanyang anak ay nasumpungan din kay Abraham. Nanalig si Abraham sa mga salitang sinambit ng Diyos, at nasaksihan, sa sarili niyang mga mata, ang katuparan ng Kanyang mga salita. Naging saksi rin siya sa mga salitang ito mula sa pagpapahayag hanggang sa katuparan ng mga ito. Nadama niya kung gaano kamakapangyarihan ang mga salita ng Diyos, gaano kamahimala ang Kanyang mga gawa, at, ang pinakamahalaga, gaano kalaki ang pagmamalasakit ng Diyos para sa tao. Habang nakatingin sa bata, bagama’t nadama ni Abraham ang masalimuot at matitinding damdamin, sa kanyang puso ay may isang bagay lang siyang sinabi sa Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, ano sa palagay ninyo ang sinabi niya? (Salamat sa Diyos!) “Salamat sa aking Panginoon!” Nagpasalamat si Abraham, at inihandog din niya ang kanyang malaking pasasalamat at papuri sa Diyos. Para sa Diyos at kay Abraham, pambihira ang kahalagahan ng batang ito. Iyan ay dahil, mula sa sandaling sinabi ng Diyos na bibigyan niya si Abraham ng isang anak, nagplano at nagpasya na ang Diyos na may isasakatuparan Siya: Mayroong mahahalagang bagay, mga dakilang bagay, na nais Niyang maisakatuparan sa pamamagitan ng batang ito. Gayon kahalaga ang bata para sa Diyos. At para kay Abraham, dahil sa espesyal na biyaya ng Diyos sa kanya, dahil pinagkalooban siya ng Diyos ng isang anak, sa takbo ng kasaysayan ng buong lahi ng tao, at pagdating sa buong sangkatauhan, ang halaga at importansya ng kanyang pag-iral ay pambihira, lampas pa sa ordinaryo. At ito ba ang katapusan ng kuwento? Hindi. Ang kritikal na bahagi ay hindi pa nagsisimula.
Matapos matanggap ni Abraham si Isaac mula sa Diyos, pinalaki niya si Isaac ayon sa iniutos at hiniling ng Diyos. Sa kanyang pang-araw-araw na buhay sa lahat ng hindi kapansin-pansin na mga taon na iyon, inakay ni Abraham si Isaac para ialay, at isinalaysay kay Isaac ang mga kuwento ng Diyos sa langit. Paunti-unting naunawaan ni Isaac ang mga bagay-bagay. Natutuhan niya kung paano magpasalamat sa Diyos, at purihin ang Diyos, at natutuhan niya kung paano sumunod, at magbigay ng mga handog. Nalaman niya kung kailan nagbibigay ng mga handog, at kung nasaan ang altar. Pagkatapos, pupunta tayo sa pinakamahalagang bahagi ng kuwento. Isang araw, noong magsimula si Isaac na maunawaan ang mga bagay-bagay ngunit hindi pa sumasapit sa hustong gulang, sinabi ng Diyos kay Abraham, “Ayaw Ko ng kordero para sa alay na ito. Sa halip ay ihandog mo si Isaac.” Para sa isang katulad ni Abraham, na mahal na mahal si Isaac, para bang lubhang nakakagulat ang mga salita ng Diyos? Hindi bale na si Abraham na napakatanda na—ilang tao ang nasa rurok ng kanilang buhay—mga taong nasa kanilang edad na 30-39 at 40-49—ang makakayang marinig ang balitang ito? Kaya ba ninuman? (Hindi.) At ano ang reaksyon ni Abraham matapos marinig ang mga salita ng Diyos? “Ha? Nagkamali ba ang Diyos sa sinabi Niya? Hindi kailanman nagkakamali ang Diyos, kaya nagkamali ba ng dinig ang matatanda kong tainga? Titingnan ko ulit.” Nagtanong siya, “Diyos ko, hinihilingan Mo ba ako na ihandog si Isaac? Si Isaac ba ang alay na nais Mo?” Sinabi ng Diyos, “Oo, tama iyan!” Matapos makumpirma, nalaman ni Abraham na hindi mali ang mga salita ng Diyos, ni hindi magbabago ang mga ito. Ito mismo ang ibig sabihin ng Diyos. At mahirap ba para kay Abraham na marinig ito? (Mahirap.) Gaano kahirap? Sa kanyang isipan, naisip ni Abraham, “Pagkatapos ng lahat ng taon na ito, sa wakas ay nagsimula nang lumaki ang anak ko. Kung ihahandog siya bilang isang buhay na alay, ibig sabihin niyan ay kakatayin siya sa altar na parang kordero sa katayan. Ang ibig sabihin ng makatay ay papatayin siya, at ang pagpatay sa kanya ay nangangahulugan na magmula sa araw na ito, mawawalan na ako ng anak….” Nang umabot na sa puntong ito ang mga naiisip niya, nangahas pa bang mag-isip ng iba si Abraham? (Hindi.) Bakit hindi? Ang mag-isip pa ng iba ay maghahatid ng mas matinding sakit, na parang isang patalim sa puso. Ang mag-isip ng iba pa ay hindi mangangahulugan ng pag-iisip ng masasayang bagay—mangangahulugan ito matinding paghihirap. Ang bata ay hindi babawiin, na hindi makikita nang ilang araw o taon, ngunit naroroon pa rin; hindi naman ito tulad ng palaging mag-iisip si Abraham tungkol sa kanya, at pagkatapos ay tatagpuing muli ang bata sa sandaling magkaroon ng pagkakataon kapag malaki na ito. Hindi ganoon ang kaso. Kapag inihandog na ang bata sa ibabaw ng altar, mawawala na siya, hindi na siya muling makikita, naialay na siya sa Diyos, nakabalik na siya sa Diyos. Babalik sa dati ang mga bagay-bagay. Bago dumating ang bata, malungkot ang buhay. At magiging masakit ba kung nagpatuloy nang gayon ang mga bagay-bagay, na hindi na siya nagkaroon ng anak kailanman? (Hindi naman ito magiging napakasakit.) Ang magkaroon ng anak at pagkatapos ay mawala ito—napakasakit niyan. Napakahirap nito! Ang ibalik ang batang ito sa Diyos ay nangangahulugan na mula sa oras na iyon, hindi na muling makikita ang bata kailanman, hindi na muling maririnig ang kanyang tinig kailanman, hindi na siya muling mapapanood ni Abraham na maglaro, hindi na siya mapapalaki, hindi na siya mapapatawa, hindi na makikita ang kanyang paglaki, hindi na matatamasa ang lahat ng kasiyahan ng pamilya na kaakibat ng kanyang presensya. Ang tanging mananatili ay sakit at pangungulila. Nang lalo itong isipin ni Abraham, naging mas mahirap ito. Ngunit gaano man ito kahirap, isang bagay ang malinaw sa kanyang puso: “Hindi biro ang sinabi at ang gagawin ng Diyos, hindi ito maaaring maging mali, lalong hindi ito maaaring magbago. Bukod pa riyan, ang bata ay nagmula sa Diyos, kaya ganap na likas at may katwiran na ihandog siya sa Diyos, at kapag ninais ng Diyos, tungkulin kong ibalik siya sa Diyos, nang walang kompromiso. Ang nakaraang dekada ng kasiyahan ng pamilya ay naging isang espesyal na kaloob, na natamasa ko nang sagana; dapat akong magpasalamat sa Diyos, at hindi ako dapat gumawa ng di-makatwirang mga hiling sa Diyos. Ang batang ito ay pag-aari ng Diyos, hindi ko siya dapat angkinin, hindi ko siya personal na pag-aari. Lahat ng tao ay mula sa Diyos. Kahit na hilingin sa akin na ihandog ang sarili kong buhay, hindi ako dapat mangatwiran sa Diyos o humingi ng mga kapalit, lalo pa kapag ang bata ay personal na ibinalita at ipinagkaloob ng Diyos. Kung sinabi ng Diyos na ihandog siya, ihahandog ko siya!”
Minu-minuto, segu-segundo, lumipas ang oras sa ganitong paraan, ang sandali ng sakripisyo ay papalapit nang papalapit. Ngunit sa halip na mas lalong maging miserable, lalong napanatag si Abraham. Ano ang nagpakalma sa kanya? Ano ang nagtulot kay Abraham na matakasan ang sakit at magkaroon ng tamang saloobin sa mangyayari? Naniwala siya na, dahil sa lahat ng ginawa ng Diyos, dapat ay pagpapasakop lamang ang maging saloobin ng isang tao, at hindi dapat tangkain ng mga tao na mangatwiran sa Diyos. Nang umabot sa puntong ito ang kanyang mga iniisip, hindi na siya nasaktan. Buhat-buhat ang batang si Isaac, sumulong siya, nang paisa-isang hakbang, patungo sa tabi ng altar. Walang anumang bagay sa ibabaw ng altar—hindi katulad ng karaniwan, kapag naroon na’t naghihintay ang isang kordero. “Ama, hindi mo pa ba naihahanda ang alay ngayon?” tanong ni Isaac. “Kung hindi, ano ang iaalay ngayon?” Ano ang nadama ni Abraham nang itanong ito ni Isaac? Posible bang naging masaya siya? (Hindi.) Kaya ano ang ginawa niya? Sa kanyang puso, kinamuhian ba niya ang Diyos? Nagreklamo ba siya sa Diyos? Lumaban ba siya? (Hindi.) Wala sa mga ito. Ano ang ipinapakita nito? Mula sa lahat ng sumunod na nangyari, mukha talagang hindi inisip ni Abraham ang gayong mga bagay. Ipinatong niya ang panggatong na sisindihan niya sa altar, at tinawag si Isaac. At pagkakita kay Abraham na tinatawag si Isaac patungo sa altar, sa sandaling iyon, ano ang inisip ng mga tao? “Napakawalang-puso mong matanda ka. Wala kang pagkatao, hindi ka tao! Anak mo siya, talaga bang matitiis mong gawin ito? Magagawa mo ba talaga ito? Ganyan ka ba talaga kalupit? Mayroon ka man lamang bang puso?” Hindi ba’t iyon ang inisip nila? At inisip ba ni Abraham ang mga bagay na ito? (Hindi.) Tinawag niya si Isaac sa kanyang tabi at, hindi makapagsalita, kinuha niya ang taling kanyang inihanda at itinali ang mga kamay at paa ni Isaac. Ipinahihiwatig ba ng mga pagkilos na ito na ang alay na ito ay magiging tunay o huwad? Magiging tunay ito, walang halo, hindi lamang isang palabas. Pinasan niya si Isaac sa kanyang mga balikat, at paano man nagpapalag at nag-iiyak ang bata, hindi kailanman inisip ni Abraham na sumuko. Desidido niyang inilagay ang kanyang batang anak sa ibabaw ng mga panggatong, para sunugin sa altar. Umiyak, nagtitili, nagpapalag si Isaac—ngunit isinasagawa noon ni Abraham ang mga dapat gawin para sa pag-aalay sa Diyos, inihahanda ang lahat para sa alay. Matapos ilagay si Isaac sa ibabaw ng altar, inilabas ni Abraham ang isang patalim na karaniwang ginagamit sa pagkatay sa mga kordero, at matatag itong hinawakan ng dalawang kamay, habang itinataas niya ang patalim sa ibabaw ng kanyang ulo, at itinutok ito kay Isaac. Ipinikit niya ang kanyang mga mata, at nang isasaksak na niya ang patalim, kinausap ng Diyos si Abraham. Ano ang sinabi ng Diyos? “Abraham, pigilan mo ang kamay mo!” Hindi naisip kailanman ni Abraham na sasabihin ng Diyos ang bagay na iyon noong ibabalik na niya si Isaac sa Kanya. Hindi ito isang bagay na nangahas siyang isipin. Magkagayunman, nang paisa-isa, kumalabog sa kanyang puso ang mga salita ng Diyos. Sa gayon ay nakaligtas si Isaac. Noong araw na iyon, ang alay na talagang ibibigay sa Diyos ay nasa likod ni Abraham; ito ay isang kordero. Matagal na itong inihanda ng Diyos, ngunit walang ibinigay na pahiwatig ang Diyos kay Abraham bago iyon, sa halip ay sinabihan siyang tumigil nang maitaas na niya ang patalim at handa na siyang isaksak ito. Walang sinumang makapaglalarawan nito sa kanilang isip, hindi si Abraham, hindi rin si Isaac. Kung titingnan ang pag-aalay ni Abraham kay Isaac, nilayon ba talaga ni Abraham na ialay ang kanyang anak, o nagpapanggap lang isya? (Tunay niyang nilayon na gawin ito.) Tunay niyang nilayon na gawin ito. Ang kanyang mga kilos ay dalisay, wala itong halong panlilinlang.
Inialay ni Abraham ang kanyang sariling laman at dugo bilang sakripisyo sa Diyos—at nang ipagawa sa kanya ng Diyos ang pag-aalay na ito, hindi sinubukan ni Abraham na mangatwiran sa kanya sa pagsasabing, “Hindi ba tayo maaaring gumamit ng iba? Maaaring ako, o iba pang tao.” Sa halip na sabihin ang gayong mga bagay, ibinigay ni Abraham ang kanyang pinakamamahal at itinatanging anak sa Diyos. At paano ginawa ang pag-aalay na ito? Narinig niya ang sinabi ng Diyos, at pagkatapos ay basta humayo at ginawa iyon. Magkakaroon ba ng katuturan sa mga tao kung binigyan ng Diyos si Abraham ng isang anak, at nang lumaki ang bata, hiningi Niya kay Abraham na ibalik ang bata, at gusto Niyang kuhain ang bata? (Hindi.) Mula sa perspektiba ng tao, hindi ba’t magiging ganap na hindi makatwiran iyon? Hindi ba’t magmumukha iyon na pinaglalaruan ng Diyos si Abraham? Nagbigay ang Diyos ng isang araw, at makalipas lamang ang ilang taon, gusto na Niyang kuhain ang bata. Kung nais ng Diyos ang bata, dapat sana ay kinuha Niya na lamang siya; hindi na kailangang dulutan ng paghihirap ang taong iyon sa paghiling na ialay niya ang bata sa altar. Ano ang kahulugan ng pag-aalay sa bata sa altar? Na kailangan niyang katayin at pagkatapos ay sunugin ang bata gamit ang sarili niyang mga kamay. Isa ba itong bagay na magagawa ng isang tao? (Hindi.) Ano ang ibig sabihin ng Diyos nang hiningi Niya ang pag-aalay na ito? Na dapat gawin ni Abraham nang personal ang mga bagay na ito: personal na itali ang kanyang anak, personal na ilagay siya sa ibabaw ng altar, personal siyang patayin gamit ang patalim, at pagkatapos ay personal siyang sunugin bilang isang alay sa Diyos. Sa mga tao, tila wala sa mga ito ang nagsasaalang-alang ng mga damdamin ng tao; walang katuturan ang alinman sa mga bagay na ito ayon sa kanilang mga haka-haka, pag-iisip, pilosopiyang etikal, o moralidad at mga kaugalian. Hindi nabuhay si Abraham sa kahungkagan, ni hindi siya nabuhay sa muno ng pantasya; nabuhay siya sa mundo ng tao. Mayroon siyang mga saloobin ng tao at mga pananaw ng tao. At ano ang nasa isip niya nang mangyari sa kanya ang lahat ng ito? Bukod pa sa kanyang pagdurusa, at maliban pa sa ilang bagay na nagpalito sa kanya, mayroon bang paghihimagsik o pagtanggi sa kanya? Inatake ba niya sa salita at inabuso ang Diyos? Hindi talaga. Kabaligtaran nito mismo: mula sa sandaling inutusan siya ng Diyos na gawin ang bagay na ito, hindi nangahas si Abraham na tratuhin ito nang basta-basta; sa halip, nagsimula siyang maghanda kaagad. At ano ang lagay ng kanyang pakiramdam nang simulan niya ang mga paghahandang ito? Siya ba ay natutuwa, nagagalak, at masaya? O nasasaktan ba siya, nagdadalamhati, at lugmok sa depresyon? (Nasasaktan siya at nagdadalamhati.) Nasasaktan siya! Mabigat ang kanyang bawat hakbang. Matapos malaman ang bagay na ito, at matapos marinig ang mga salita ng Diyos, bawat araw ay parang isang taon kay Abraham; siya ay miserable, walang kakayahang magalak, at mabigat ang kanyang puso. Gayunman, ano ang kanyang kaisa-isang paniniwala? (Na dapat niyang sundin ang mga salita ng Diyos.) Tama iyan, ito ay na dapat niyang sundin ang mga salita ng Diyos. Sinabi niya sa sarili, “Pagpalain ang pangalan ng aking Panginoong Jehova; isa ako sa mga tao ng Diyos, at dapat kong sundin ang mga salita ng Diyos. Tama man o mali ang sinasabi ng Diyos, at paano man dumating sa akin si Isaac, kung hingin ng Diyos, kailangan kong ibigay; gayon ang katwiran at saloobing dapat matagpuan sa tao.” Hindi naging malaya si Abraham sa sakit o hirap matapos tanggapin ang mga salita ng Diyos; nasktan siya at nahirapan, at hindi madaling daigin ang mga ito! Magkagayunman, ano ang nangyari sa huli? Tulad ng hiniling ng Diyos, dinala ni Abraham ang kanyang sariling anak, isang bata, sa altar, at lahat ng ginawa niya ay nakita ng Diyos. Kung paano pinanood ng Diyos si Noe, gayon din Niya minasdan ang bawat galaw ni Abraham, at naantig Siya sa lahat ng kanyang ginawa. Bagama’t hindi nagwakas ang mga bagay-bagay nang tulad ng iniisip ng sinuman, ang ginawa ni Abraham ay kakaiba sa buong sangkatauhan. Dapat ba siyang magsilbing halimbawa para sa lahat ng sumusunod sa Diyos? (Oo.) Isa siyang huwaran para sa buong sangkatauhan na sumusunod sa Diyos. Bakit Ko sinasabi na isa siyang huwaran para sa sangkatauhan? Hindi naunawaan ni Abraham ang maraming katotohanan, ni hindi niya narinig ang anumang mga katotohanan o sermon na personal na binigkas ng Diyos sa kanya. Naniwala, kumilala, at sumunod lamang siya. Ano ang taglay ng pagkatao niya na lubhang kakaiba? (Ang katwiran ng isang nilikha.) Aling mga salita ang sumasalamin nito? (Sinabi niya, “Pagpalain ang pangalan ng aking Panginoong Jehova; dapat akong sumunod sa mga salita ng Diyos, at naaayon man o hindi ang mga ito sa mga haka-haka ng tao, kailangan kong magpasakop.”) Dito, taglay ni Abraham ang katwiran ng normal na pagkatao. Bukod pa riyan, ipinakita ng mga ito na mayroon din siyang konsiyensya ng normal na pagkatao. At saan nakita ang konsiyensyang ito? Alam ni Abraham na ipinagkaloob ng Diyos si Isaac, na siya ay tao ng Diyos, na pag-aari siya ng God, at na dapat siyang ibalik ni Abraham sa Diyos nang hingin Niya ito, sa halip na palagi siyang kumapit sa kanya; gayon ang konsiyensyang dapat taglayin ng tao.
Mayroon bang konsensiya at katwiran ang mga tao sa ngayon? (Wala.) Sa anong mga bagay ito nakikita? Gaano man kalaking biyaya ang ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, at ilang pagpapala o biyaya man ang kanilang tinatamasa, ano ang kanilang saloobin kapag hinihilingan sila na suklian ang pagmamahal ng Diyos? (Paglaban, at kung minsan ay takot na mahirapan at mapagod.) Ang takot na mahirapan at mapagoday isang kongkretong pagpapamalas ng kawalan ng konsensiya at katwiran. Ang mga tao sa mga panahong ito ay nagdadahilan, sinusubukang magdikta ng mga pagkakasunduan at makipagtawaran—oo o hindi? (Oo.) Nagrereklamo rin sila, ginagawa ang mga bagay nang pabasta-basta at padalos-dalos, at nag-iimbot ng mga kaginhawahan ng laman—lahat ng ito ay mga kongkretong pagpapamalas. Walang konsensiya ang mga tao ngayon, subalit madalas pa rin nilang purihin ang biyaya ng Diyos, at binibilang nila ang lahat ng biyayang iyon, at naluluha sila kapag binibilang nila ang mga iyon. Gayunman, pagkatapos nilang magbilang, doon na iyon nagtatapos; patuloy pa rin silang nagiging pabasta-basta, patuloy na iniraraos lang ang mga bagay-bagay, patuloy silang nagiging mapanlinlang at patuloy na nagiging tuso at nagpapakatamad, nang walang anumang partikular na pagpapamalas ng pagsisisi. Ano, kung gayon, ang silbi ng iyong pagbibilang? Manipestasyon ito ng kawalan ng konsensiya. Kaya, paano naipapamalas ang kawalan ng katwiran? Kapag pinupungusan ka ng Diyos, nagrereklamo ka, nasasaktan ang damdamin mo, at pagkatapos ay ayaw mo nang gawin ang iyong tungkulin at sinasabi mo na walang pagmamahal ang Diyos; kapag nagdurusa ka nang kaunti habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, o kapag ang sitwasyong itinakda sa iyo ng Diyos ay medyo mabigat, medyo mapanghamon, o medyo mahirap, ayaw mo nang gawin iyon; at hindi ka makapagpasakop sa anuman sa iba’t ibang sitwasyong itinakda ng Diyos, ang nasasaisip mo lamang ay ang laman, at ang nais mo lamang ay makalaya at makapagwala. Ito ba ay kawalan ng katwiran o hindi? Ayaw mong tanggapin kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at nais mo lamang makinabang mula sa Kanya. Kapag nagpapatupad ka ng kaunting gawain at nagtitiis nang kaunti, iginigiit mo ang mga kwalipikasyon mo, iniisip mo na higit ka sa iba habang tinatamasa mo ang mga pakinabang ng katayuan, at nagsisimula kang magmayabang na parang isang opisyal. Wala kang hangaring gumawa ng anumang tunay na gawain, ni wala kang kakayahang ipatupad ang anumang tunay na gawain—nais mo lamang mag-utos at maging isang opisyal. Gusto mo na ikaw mismo ang maging batas, na gawin ang anumang gusto mo, at kumilos nang walang pakundangan. Maliban pa sa pag-alpas at pagwawala, wala nang ibang namamalas sa iyo. Pagtataglay ba ito ng katwiran? (Hindi.) Kung binigyan kayo ng Diyos ng isang mabuting anak, at kalaunan ay sinabihan ka nang deretsahan na babawiin Niya ang anak mo, ano ang magiging saloobin mo? Makikimkim mo ba ang saloobing pareho ng kay Abraham? (Hindi.) Sasabihin ng ilang tao, “Bakit hindi? Beinte anyos na ang anak ko, at inialay ko siya sa sambahayan ng Diyos, kung saan siya ngayon gumagawa ng tungkulin.” Sakripisyo ba ito? Kung tutuusin, naakay mo lamang ang iyong anak sa tamang landas—ngunit mayroon ka ring lihim na motibo: Natatakot ka na baka mamatay ang iyong anak sa gitna ng kalamidad. Hindi ba ganito? Ang ginagawa mo ay hindi tinatawag na pagsasakripisyo; hinding-hindi ito katulad ng pag-aalay ni Abraham kay Isaac. Hindi talaga maikukumpara ang mga ito sa isa’t isa. Nang marinig ni Abraham ang iniutos ng Diyos sa kanya, gaano kaya kahirap isagawa ang tagubiling ito para sa kanya—o para sa sinumang iba pang miyembro ng sangkatauhan? Iyon na yata ang naging pinakamahirap na bagay sa mundo; wala nang ibang mas mahirap. Hindi lamang iyon pag-aalay ng isang bagay na tulad ng kordero o kaunting pera, at hindi lamang iyon isang makamundong pag-aari o materyal na bagay, ni hindi ito isang hayop lamang na walang koneksyon sa tao na nagsasagawa ng pag-aalay. Iyon ay mga bagay na kayang ialay ng isang tao nang may panandaliang bugso ng pagsisikap—samantalang ang sakripisyong hiningi ng Diyos kay Abraham ay ang buhay ng isang tao. Iyon ay sariling laman at dugo ni Abraham. Napakahirap siguro niyon! Espesyal din ang pinagmulan ng bata, sa dahilang siya ay ipinagkaloob ng Diyos. Ano ang layunin ng Diyos sa pagkakaloob sa kanya ng isang anak? Iyon ay upang magkaroon ng anak na lalaki si Abraham na mapapalaki hanggang sa magbinata, mag-asawa at magkaanak ito, nang sa gayon ay mapalawig ang pangalan ng angkan. At magkagayunman, ang batang ito ay ibabalik sa Diyos bago pa siya nagbinata, at hindi na mangyayari ang mga bagay na iyon kailanman. Kaya, ano ang silbi ng pagkakaloob ng Diyos ng isang anak kay Abraham? Magkakaroon ba ito ng anumang katuturan sa isang nakamasid? Kung pagbabatayan ang mga haka-haka ng mga tao, wala itong katuturan. Makasarili ang tiwaling sangkatauhan; wala ni isang makakaintindi rito. Hindi rin ito maintindihan ni Abraham; hindi niya alam kung ano, sa huli, ang gustong gawin ng Diyos, maliban sa hiningi Niya sa kanya na ialay si Isaac. Samakatuwid, ano ang piniling gawin ni Abraham? Ano ang kanyang saloobin? Bagama’t hindi niya naunawaan ang lahat ng ito, nagawa pa rin niya ang iniutos ng Diyos; sinunod niya ang mga salita ng Diyos at nagpasakop siya sa bawat salita ng Kanyang hiningi nang hindi lumalaban o humihiling ng pagpipilian, lalong hindi niya sinubukang magdikta ng mga kasunduan o mangatwiran sa Diyos. Bago naintindihan ni Abraham ang lahat ng nangyayari, nagawa niyang sumunod at magpasakop—na talagang bihira at kapuri-puri, at higit pa sa kakayahan ng sinuman sa inyo na nakaupo rito. Hindi alam ni Abraham kung ano ang nangyayari, at hindi sinabi sa kanya ng Diyos ang buong kuwento; magkagayunman, sineryoso niya ang lahat, naniniwala siya na dapat magpasakop ang mga tao sa anumang nais gawin ng Diyos, at na hindi sila dapat magtanong, na kung wala nang iba pang sabihin ang Diyos, hindi iyon isang bagay na kailangang maunawaan ng mga tao. Sinasabi ng ilang tao, “Ngunit tiyak na kailangan mong alamin ang tunay na dahilan nito, tama ba? Kahit ukol pa ito sa pagkamatay, kailangan mong alamin kung bakit.” Ito ba ang saloobin na kailangang taglayin ng isang nilikha? Kapag hindi ka tinulutan ng Diyos na maunawaan ang isang bagay, dapat mo bang maunawaan iyon? Kapag may ipinagawa sa iyo, gawin mo ito. Bakit mo ginagawang kumplikado ang mga bagay-bagay? Kung nais ng Diyos na maunawaan mo ang isang bagay, naipaliwanag na sana Niya iyon sa iyo; dahil hindi Niya ginawa iyon, hindi mo kailangang maunawaan iyon. Kapag hindi iyon ipinauunawa sa iyo, at kapag wala kang kakayahang makaunawa, lahat ay depende sa kung paano ka kumikilos at kung magagawa mong magpasakop sa Diyos. Mahirap ito para sa inyo, hindi ba? Sa gayong mga sitwasyon, hindi ka nagpapasakop, at wala nang natitira sa iyo kundi pagrereklamo, maling interpretasyon, at paglaban. Si Abraham ang ganap na kabaligtaran ng nakikita sa inyo. Tulad ninyo, hindi niya alam kung ano ang gagawin ng Diyos, ni hindi niya alam ang dahilan sa likod ng mga kilos ng Diyos; hindi niya naunawaan ang mga iyon. Ginusto ba niyang magtanong? Ginusto ba niyang malaman kung ano ang nangyayari? Oo, ngunit kung hindi sinabi sa kanya ng Diyos, saan siya pwedeng pumunta para magtanong? Sino ang pwede niyang tanungin? Ang mga bagay ng Diyos ay isang hiwaga; sino ang makasasagot sa mga tanong tungkol sa mga bagay ng Diyos? Sino ang makakaunawa sa mga ito? Hindi maaaring katawanin ng mga tao ang Diyos. Tanungin ninyo ang iba, at hindi rin nila iyon mauunawaan. Maaari ninyo itong pag-isipan, ngunit hindi ninyo ito malalaman, hindi ninyo ito maiintindihan. Kaya, kung mayroon kayong hindi nauunawaan, ibig sabihin ba niyan ay hindi ninyo kailangang gawin ang sinasabi ng Diyos? Kung mayroon kayong hindi nauunawaan, maaari ba kayong magmasid, magpaliban, maghintay ng pagkakataon, at maghanap ng iba pang opsiyon? Kung mayroon kayong hindi nauunawaan—kung hindi ninyo ito maintindihan—ibig sabihin ba niyan ay hindi ninyo kailangang magpasakop? Ibig sabihin ba niyan ay maaari kayong kumapit sa inyong mga karapatang pantao at magsabing, “Mayroon akong mga karapatang pantao; kaya ko ang sarili ko, kaya ano ang karapatan Mong pagawain ako ng mga kalokohan? Nangingibabaw ako sa pagitan ng langit at lupa—kaya kong suwayin Ka”? Ito ba ang ginagawa ni Abraham? (Hindi.) Dahil naniwala siya na isa lamang siyang ordinaryo at karaniwang nilikha, isang taong nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, pinili niyang sumunod at magpasakop, na hindi balewalain ang anuman sa mga salita ng Diyos, kundi isagawa ang mga iyon nang lubusan. Anuman ang sabihin ng Diyos, at anuman ang ipagawa sa kanila ng Diyos, wala nang ibang pagpipilian ang mga tao; kailangan silang makinig, at pagkatapos makinig, dapat silang humayo at isagawa iyon. Bukod pa riyan, kapag isinasagawa nila ito, ang mga tao ay dapat itong isagawa nang lubusan at magpasakop nang payapa ang kanilang isipan. Kung kinikilala mo na ang Diyos ay iyong Diyos, dapat kang sumunod sa Kanyang mga salita; maglaan ng puwang para sa Kanya sa puso mo, at isagawa ang Kanyang mga salita. Kung ang Diyos ay iyong Diyos, hindi mo dapat sikaping pag-aralan ang sinasabi Niya sa iyo; anuman ang sabihin Niya ay nangyayari, at hindi mahalaga kung hindi mo nauunawaan o naiintindihan iyon. Ang mahalaga ay dapat kang sumunod at magpasakop sa Kanyang sinasabi. Ito ang saloobin ni Abraham pagdating sa mga salita ng Diyos. Dahil mismo sa taglay ni Abraham ang saloobing ito kaya nasunod niya ang mga salita ng Diyos, kaya nagawa niyang magpasakop sa ipinagawa sa kanya ng Diyos, at naging isang tao na matuwid at perpekto sa mga mata ng Diyos. Ito ay sa kabila ng katotohanan na, sa mga mata ng lahat ng taong mayabang at mapangmata, nagmukhang hangal at naguguluhan si Abraham nang balewalain niya ang buhay ng sarili niyang anak alang-alang sa kanyang pananampalataya, at kaswal na inilalagay ito sa ibabaw ng altar para patayin. Napakairesponsableng pagkilos naman niyon, naisip nila; napakawalang kakayahan at walang puso naman niyang ama, at napakamakasarili niya para gawin ang gayong bagay alang-alang sa kanyang pananampalataya! Ganito ang tingin ng mga tao kay Abraham. Gayunman, gayon ba ang tingin ng Diyos sa kanya? Hindi. Ano ang tingin ng Diyos sa kanya? Nagawang sumunod at magpasakop ni Abraham sa sinabi ng Diyos. Hanggang sa anong antas niya nagawang magpasakop? Ginawa niya iyon nang hindi nakikipagkasunduan. Nang hingin ng Diyos ang pinakamahalaga sa kanya, ibinalik ni Abraham ang bata sa Diyos, inialay siya sa Diyos. Nakinig at sumunod si Abraham sa lahat ng hiningi sa kanya ng Diyos. Sa pananaw man ng mga haka-haka ng tao o sa mga mata ng tiwali, mukhang lubhang hindi makatwiran ang kahilingan ng Diyos, subalit nagawa pa rin ni Abraham na magpasakop; dahil ito sa kanyang integridad, na siyang larawan ng tunay na pananampalataya at pagpapasakop sa Diyos. Paano naipakita ang tunay na pananampalataya at pagpapasakop na ito? Sa tatlong salita lamang: sa kanyang pagsunod. Wala nang ibang mas katangi-tangi o mahalagang taglayin ng isang tunay na nilikha, at wala nang ibang mas bihira o kapuri-puri. Ito mismo ang pinakakatangi-tangi, bihira, at pinakakapuri-puring bagay na walang-wala sa mga alagad ng Diyos ngayon.
Ang mga tao ngayon ay edukado at maalam. Nauunawaan nila ang makabagong siyensya, at masyadong nahawahan, nakondisyon, at naimpluwensyahan ng tradisyonal na kultura at ubod ng samang mga kaugalian sa lipunan; umiikot ang kanilang isipan, baluktot ang kanilang mga haka-haka, at sa kanilang kalooban, lubos silang naguguluhan. Matapos makinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, at habang kinikilala at nagtitiwala na ang Diyos ang ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay, taglay pa rin nila ang mapagwalang-bahala at walang katiyakang saloobin sa bawat salita ng Diyos. Ang kanilang saloobin sa mga salitang ito ay ang balewalain ang mga ito; ang magbulag-bulagan at magbingi-bingihan sa mga ito. Anong klaseng tao ito? Itinatanong nila ang “dahilan” ng lahat ng bagay; nadarama nila ang pangangailangang alamin ang lahat ng bagay at lubusang unawain ang lahat ng bagay. Mukhang napakaseryoso nila tungkol sa katotohanan; sa tingin, ang kanilang pag-uugali, ang kanilang isinasakripisyo, at ang mga bagay na isinusuko nila ay nagpapahiwatig ng isang matibay na saloobin tungkol sa pananampalataya at paniniwala sa Diyos. Gayunman, itanong ninyo ito sa inyong sarili: Pinanghawakan ba ninyo ang bawat salita ng Diyos at ang bawat tagubilin Niya? Isinakatuparan na ba ninyo ang lahat ng iyon? Masunurin ba kayo? Kung, sa puso mo, ang palagi ninyong sagot sa mga tanong na ito ay “hindi” at “hindi pa,” kung gayon ay anong klaseng pananalig ang mayroon kayo? Hanggang saan ka talaga naniniwala sa Diyos? Ano ba talaga ang napala mo sa iyong pananampalataya sa Kanya? Karapat-dapat bang siyasatin ang mga bagay na ito? Karapat-dapat bang tuklasin ang mga ito? (Oo.) Nakasalamin kayong lahat; kayo ay moderno at sibilisadong mga tao. Ano ba ang talagang moderno sa inyo? Ano ba ang sibilisado sa inyo? Pinatutunayan ba ng pagiging “moderno” at “sibilisado” na sinusunod mo ang mga salita ng Diyos? Walang kabuluhan ang gayong mga bagay. Sinasabi ng ilang tao, “Mataas ang pinag-aralan ko, at nakapag-aral ako ng teolohiya.” Sinasabi ng ilan, “Nabasa ko na nang ilang beses ang klasikal na Biblia, at nagsasalita ako ng Hebreo.” Sinasabi ng ilan, “Ilang beses na akong nakapunta sa Israel, at personal ko nang nahipo ang krus na binuhat ng Panginoong Jesus.” Sinasabi ng ilan, “Naakyat ko na ang Bundok Ararat at nakita ang mga labi ng arka.” Sinasabi ng ilan, “Nakita ko na ang Diyos,” at “Napalaki ako sa harap ng Diyos.” Ano ang silbi ng lahat ng ito? Walang anumang hinihingi sa iyo ang Diyos na mahirap gawin, basta sumunod ka lamang nang taimtim sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo ito kayang gawin, kalimutan mo na ang lahat ng iba pa; mawawalan ng anumang silbi ang anumang sinasabi mo. Alam ninyong lahat ang mga kuwento tungkol kina Noe at Abraham, ngunit walang silbi ang simpleng pagkaalam sa mga kuwentong ito. Naisip na ba ninyo kahit minsan kung ano ang pinaka bihira at pinakakapuri-puri sa dalawang lalaking iyon? Gusto ba ninyong maging katulad nila? (Oo.) Gaano ninyo kagusto? Sinasabi ng ilang tao, “Gustung-gusto kong maging katulad nila; iniisip ko ito tuwing ako ay kumakain, nangangarap, gumagawa ng aking tungkulin, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nag-aaral ng mga himno. Ipinagdasal ko na ito nang napakaraming beses, at nakasulat pa ako ng isang panata. Nawa’y isumpa ako ng Diyos kung hindi ako sumusunod sa Kanyang mga salita. Kaya lamang ay hindi ko alam kung kailan ako kinakausap ng Diyos; hindi iyon parang nagsasalita Siya sa akin nang may kulog sa kalangitan.” Ano ang silbi ng lahat ng ito? Ano ang ibig sabihin kapag sinasabi mong, “Gustung-gusto ko”? (Pangangarap lamang ito nang gising; isa lamang itong hangarin.) Ano ang silbi ng isang hangarin? Para iyong isang sugarol na nagpupunta sa sugalan araw-araw; kahit nawala na sa kanya ang lahat, gusto pa rin niyang magsugal. Kung minsan maaaring iniisip niya, “Isang subok na lang, at pagkatapos ay nangangako ako na titigil na ako at hindi na muling magsusugal.” Gayon din ang iniisip niya kapag nangangarap man siya o kumakain, pero pagkatapos itong isipin, bumabalik pa rin siya sa sugalan. Tuwing magsusugal sila, sinasabi nila na huli na nila iyon; at tuwing lilisanin nila ang sugalan, sinasabi nila na hindi na sila babalik kailanman—at pagkaraan ng habambuhay na pagsisikap, ang resulta ay hindi pa rin sila makatigil kahit kailan. Katulad ba kayo ng sugarol na iyon? Madalas kayong magpasyang gawin ang mga bagay at pagkatapos ay binabawi ninyo ang mga desisyon, natural na sa inyo na linlangin ang Diyos, at hindi ito madaling baguhin.
III. Paglalantad sa Kung Paano Tinatrato Ngayon ng mga Tao ang mga Salita ng Diyos
Ano ang paksa ng mga kwentong kakasabi Ko lang? (Tungkol sa mga saloobin ukol sa Diyos at kung paano kami makakasunod sa salita ng Diyos at makakapagpasakop sa Diyos kapag may mga nangyayari.) Ano ang pangunahing aral na itinuro ng dalawang kwentong ito sa inyo? (Sumunod at magpasakop, at kumilos ayon sa mga kahingian ng salita ng Diyos.) Mahalaga na matutong sundin, at isagawa ang pagsunod sa mga salita ng Diyos. Sinasabi mo na ikaw ay tagasunod ng Diyos, na ikaw ay isang nilikha ng Diyos, na ikaw ay isang tao sa mga mata ng Diyos. Gayunman, sa iyong isinasabuhay at sa iyong ipinapamalas, walang tanda ng pagpapasakop o pagsasagawa na ginagawa matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Kaya, dapat bang magkaroon ng mga tandang pananong kasunod ng mga katagang “isang nilikha,” “isang taong sumusunod sa Diyos” at “isang tao sa mga mata ng Diyos” kapag ginagamit ang mga ito upang ilarawan ka? At sa mga tandang pananong na ito, gaano ba talaga kalaki ang pag-asa mong maligtas? Walang nakakaalam nito, maliit ang tsansa, at ikaw mismo ay hindi nangangahas na magsabi. Noong nakaraan, isinasalaysay Ko ang dalawang klasikong kuwento kung paano sumunod sa mga salita ng Diyos. Sinumang nakabasa na sa Bibliya at sumunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay pamilyar na sa dalawang kuwentong ito. Ngunit sa pagbasa sa mga kuwentong ito, wala pang sinumang nakapulot ng isa sa pinakamahahalalagang katotohanan sa lahat: ang pagsunod sa mga salita ng Diyos. Ngayong narinig na natin ang mga kuwento kung paano sumunod sa mga salita ng Diyos, bumaling tayo sa mga kuwento tungkol sa hindi pagsunod sa mga salita ng Diyos. Dahil nabanggit ang hindi pagsunod sa mga salita ng Diyos, tiyak na mga kuwento ito tungkol sa mga tao sa kasalukuyan. Ang ilan sa sinasabi Ko ay maaaring nakakaasiwang pakinggan, at baka makasakit sa inyong karangalan at pagpapahalaga sa sarili, at makikita na wala kayong integridad at dignidad.
May isang piraso ng lupain na pinataniman ko ng mga gulay sa ilang tao. Ito ay upang ang mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin ay magkaroon ng ilang pagkaing organic, at hindi na kailanganing bumili ng mga gulay na hindi organic na may mga pamatay ng peste. Magandang bagay ito, hindi ba? Sa isang aspeto, lahat ay sama-samang namumuhay, na parang isang malaking pamilya, at lahat ay samang-samang naniniwala sa Diyos, na lumalayo sa mga kalakaran at awayan ng lipunan. Ang paglikha ng gayong kapaligiran ay nagtutulot sa lahat na manatili upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Iyan ay kung titingnan ito sa isang mas makitid na perspektiba. Mula sa mas malawak na perspektiba, ang pagtatanim ng mga gulay na kakainin ng mga gumagampan ng kanilang tungkulin, ang paggampan ng papel sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos ay angkop din. Kapag sinasabi Kong, “Magtanim ng ilang gulay para makain ng mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin sa malapit,” hindi ba madaling maunawaan ang mga salitang ito? Nang hingin Ko sa isang partikular na tao na gawin ito, naunawaan niya, at nagtanim siya ng ilang gulay na karaniwang kinakain. Palagay Ko simple ang isang bagay na tulad ng pagtatanim ng mga gulay. Magagawa ito ng lahat ng ordinaryong tao. Hindi ito kasinghirap ng pagpapalaganap ng ebanghelyo o ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kaya hindi Ko ito gaanong pinansin. Pagkaraan ng ilang panahon, nagpunta Ako roon at nakita Ko na kumakain silang lahat ng mga gulay na sila mismo ang nagtanim, at narinig Ko na kung minsan ay may kaunting tira, na ipinakain nila sa mga manok. Sabi Ko, “Itinanim ninyo ang lahat ng gulay na iyon, at nag-ani kayo nang marami. Nagpapadala ba kayo ng anuman sa mga iglesia? Nakakain ba ang mga tao sa ibang mga iglesia ng gulay na itinanim natin?” Sinabi ng ilang tao na hindi nila alam. Sinabi ng ilan na binili ng mga tao sa ibang mga lugar ang kanilang sariling mga gulay, at hindi nila kinain ang mga nanggaling dito. Iba ang sinabi ng bawat isa. Walang may pakialam dito; basta’t sila mismo ay may nakakaing gulay, pakiramdam nila ay walang problema. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Pagkatapos ay sinabi Ko sa taong namamahala, “Ganap na makatwiran na kainin ninyo ang itinanim ninyo, ngunit kailangan din namang kumain ang ibang mga tao. Tama ba na napakarami ninyong itinanim at hindi ninyo makain ang lahat ng iyon, samantalang kailangan pa ring bilhin ng mga tao sa ibang lugar ang kanilang mga gulay? Hindi ba sinabi Ko sa iyo na ang mga gulay na ito ay hindi itinatanim para lamang kainin ninyo—kailangan din ninyong ipadala ang mga ito sa iba pang kalapit na mga iglesia?” Palagay ba ninyo ay kailangan Ko pa silang patuloy na sabihan kung ano ang gagawin at kailangan Ko pang magbigay ng malilinaw na panuntunan pagdating sa maliit na usaping ito? Kailangan Ko pa bang umarkila ng banda para dito, na tinatawag ang lahat na magtipon at magdaos ng isang sermon? (Hindi.) Palagay Ko rin, hindi na. Posible ba na walang ganito kaliit na konsiderasyon ang mga tao? Kung ganoon nga, hindi sila magiging tao. Kaya sinabi Kong muli sa taong iyon, “Bilisan mo at ipadala mo ang mga iyon sa iba pang mga iglesia. Humayo ka at gawin mo iyon.” “Okey,” sabi niya, “Titingnan ko.” Ito ang kanyang saloobin. Pagkaraan ng kaunting panahon, muli Akong nagpunta roon, at nakita Ko ang napakalawak na taniman ng mga gulay sa bukid, lahat ng uri ng gulay na maiisip mo. Tinanong Ko ang mga taong nagtanim ng mga iyon kung marami ang inani nila. Sinabi nila na napakarami kaya hindi nila kayang kainin ang lahat ng iyon, at nabulok na ang ilan. Muli Kong itinanong kung nagpadala na sila ng anuman sa kalapit na mga iglesia. Sumagot sila na hindi nila alam, o na hindi sila sigurado. Sinabi nila ito sa isang napakalabo at pabasta-bastang paraan. Malinaw na walang sumeryoso sa usaping ito. hangga’t may pagkain silang kakainin, wala silang pakialam sa iba. Muli, nagpunta Ako para hanapin ang taong namamahala. Tinanong ko siya kung nagpadala siya ng anumang mga gulay sa iba. Sinabi niya na nagpadala raw sila. Kinumusta Ko ang pagpapahatid. Sinabi niya na naihatid na nila. Sa puntong ito, para bang may problema? Hindi tama ang saloobin ng mga taong ito. Wala silang saloobin ng katapatan at responsabilidad nang ginawa nila ang kanilang tungkulin, na kasuklam-suklam—ngunit mas kasuklam-suklam pa ang darating. Kalaunan, tinanong Ko ang mga kapatid sa kalapit na mga iglesia kung natanggap nila ang ipinahatid na mga gulay. “Ipinadala ang mga iyon,” sagot nila, “ngunit mas masahol ang kalagayan ng mga iyon kaysa sa mga gulay na makikita mong itinatapon sa lupa sa palengke. Puro lamang bulok na mga dahon na may halong buhangin at graba. Hindi nakakain ang mga iyon.” Ano ang pakiramdam ninyo nang marinig ninyo ito? May poot ba sa puso ninyo? Galit na galit ba kayo? (Oo.) At kung galit kayong lahat, sa palagay ba ninyo ay nagalit Ako? Labag sa loob na nagpadala sila ng ilang gulay, ngunit hindi maayos ang trabaho nila. At sino ang dahilan ng hindi magandang pagganap na ito? May isang masamang tao sa lugar na iyon, na pumigil na mapadala ang mga gulay sa iba. Ano ang sinabi niya matapos Kong iutos na magpadala ng mga gulay sa iba? “Dahil sinasabihan Mo akong gawin ito, magtitipon ako ng ilang bulok na dahon at mga gulay na ayaw naming kainin para ipadala sa kanila. Maituturing namang pagpapadala iyon, hindi ba?” Nang malaman Ko ito, iniutos Ko na palayasin ang demonikong basurang ito. Anong klase ng lugar ito, na nangahas siyang kumilos na parang tirano rito? Ito ang sambahayan ng Diyos. Hindi ito ang lipunan, at hindi ito isang palengke. Kung magwawala ka at kikilos na parang isang tirano rito, hindi ka tanggap dito, at hindi Ko matitiis na narito ka sa harap Ko mismo, lumayas ka dali! Magpakalayu-layo ka sa Akin, bumalik ka sa pinanggalingan mo! Sa palagay ba ninyo ay tamang pangasiwaan Ko ito nang ganito? (Oo.) Bakit? (Ang ganitong uri ng tao ay walang-walang pagkatao.) Bakit may ilang taong kulang sa pagkatao na hindi pa pinapaalis? May ilang taong walang konsensiya o katwiran, at hindi hinahangad ang katotohanan, pero hindi sila gumagawa ng masasamang bagay, hindi nila ginugulo ang gawain ng iglesia, hindi nila iniimpluwensiyahan ang pagganap ng mga tungkulin ng ibang tao, o ang buhay-iglesia. Sa ngayon, dapat panatilihin ang ganitong uri ng tao para magserbisyo, pero kapag gumawa sila ng kasamaan at nagdulot ng mga kagambalaan at kaguluhan, hindi pa huli na palayasin sila. Kaya bakit kailangan Kong palayasin ang walang silbing ito? Gusto niyang maghari-harian at magdikta sa sambahayan ng Diyos. Naapektuhan niya ang normal na buhay ng mga kapatid, at naapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sinabi ng ilang tao napakamakasarili niya, napakatamad, kaya ginawa niya ang kanyang tungkulin nang pabasta-basta. Gayon ba ang nangyari? Gusto niyang makipagtagisan laban sa lahat ng kapatid, laban sa lahat ng gumagawa ng tungkulin, at laban sa Diyos. Gusto niyang maghari sa sambahayan ng Diyos. Gusto niyang siya ang magpasiya sa sambahayan ng Diyos. Kung gusto niyang siya ang magpasya, dapat ay gumawa siya ng mabuti. Ngunit wala siyang ginawang anumang mabuti. Lahat ng kanyang ginawa ay nakapahamak sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at nakasakit sa mga hinirang na tao ng Diyos. Maaari ba kayong magparaya sa taong katulad nito? (Hindi.) At kung hindi ito magawa ng sinuman sa inyo, sa palagay ba ninyo ay kaya Kong gawin iyon? May mga tao ngayon na hindi pa rin masaya tungkol sa katunayan na pinaalis ang masamang tao. Hindi nila siya lubusang kilala, at lumalaban pa rin sila sa Akin sa kanilang isipan. May mga tao ngayon na, kapag nabanggit ang taong iyon, hindi pa rin iniisip na pinamahalaan Ko nang angkop ang bagay na ito, na nag-iisip na ang sambahayan ng Diyos ay hindi matuwid. Anong klase ng grupo ito? Alam ba ninyo kung paano pinitas ng taong ito ang bok choy na naitanim nila? Karaniwan, bubunutin ninyo ang buong tangkay para kainin, hindi ba? Basta na lamang ba pinuputol ng sinuman ang mga dahon? (Hindi.) Hindi pinayagan ng kakaibang lalaking ito na bunutin ng iba ang buong halaman mula sa tangkay nito; sinabihan niya sila na basta putulin ang mga dahon. Ito ang unang pagkakataon na nakakita Ako ng ganoon. Sa palagay ninyo, bakit kaya niya ginawa ito? Bakit hindi niya pinayagan ang iba na bunutin ang buong halaman? Dahil kung binunot nila ang buong halaman, mawawalan ng laman ang bukid, at kakailanganing bungkalin at tanimang muli. Para hindi na gawin iyon, pinaputol niya sa iba ang mga dahon. Nang ipagawa niya ito sa mga tao, walang nangahas na kumontra sa kanya. Para silang mga alipin niya—ginawa nila ang lahat ng sinabi niya. Siya ang nagpasiya roon. Kaya sa palagay ba ninyo magiging katanggap-tanggap na hindi siya paalisin? (Hindi.) Kapahamakan ang tulutan ang ganitong tao na manatili. Kapag gumagawa siya ng kabutihan paminsan-minsan, iyon ay dahil walang kinalaman iyon sa sarili niyang mga interes. Tingnan ninyong mabuti ang lahat ng ginagawa niya: Wala ni isang bagay siyang ginagawa na hindi nakakagambala at nakakasira sa mga interes ng iba, wala ni isang bagay na hindi nakakasama sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang taong ito ay ipinanganak na demonyo, kinakalaban niya ang Diyos, at siya ay isang anticristo. Mapapayagan bang manatili ang gayong tao sa sambahayan ng Diyos? Nagseserbisyo ba siya para gumawa ng isang tungkulin? (Hindi.) At sinusubukan pa rin ng ilang tao na ipagtanggol ang isang taong katulad nito. Gaano ba kagulo ang isip nila? Hindi ba kasuklam-suklam ito? Sinisikap mo bang ipakita na mayroon kang pagmamahal? Kung mayroon kang pagmamahal, tustusan mo siya; kung mayroon kang pagmamahal, hayaan mong saktan ka niya—ngunit huwag mo siyang hayaang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos! Kung mayroon kang pagmamahal, kapag siya ay inalis, sumama ka sa kanya—ano ang ginagawa mo at nakatambay ka pa rito? Masunurin at mapagpasakop ba ang mga taong ito? (Hindi.) Ipinanganak silang isang pangkat ng mga demonyo. Sinuway ng taong iyon ang lahat ng sinabi Ko. Kung sinabi Kong kanluran, pupunta siya sa silangan, at kung sinabi Kong silangan, pupunta siya sa kanluran. Nagpilit siyang kalabanin Ako sa lahat ng bagay. Bakit ba napakahirap para sa kanya sundin Ako nang kahit kaunti? Mapagkakaitan ba siya ng kanyang kabahagi sa paghingi ko sa kanya na magpadala ng mga gulay sa ibang kapatid? Pinagkakaitan Ko ba siya ng karapatang kumain ng mga gulay na ito? (Hindi.) Kung gayon ay bakit hindi niya ipinadala ang mga iyon? Hindi naman kailangang siya mismo ang magbuhat ng mga iyon, hindi naman siya mahihirapan kahit paano. Ngunit hindi lamang niya hindi binigyan ang iba ng magagandang klase, mga bulok pa ang ibinigay niya sa kanila. Gaano siya kasama para magawa niya ito? Maituturing ba siyang isang tao? Sinabi Ko sa kanya na magpadala ng mga gulay, hindi ng basura. Isang bagay na napakasimple, napakadali, igagalaw lamang niya ang kanyang mga braso, subalit ni hindi niya iyon magawa. Tao ba ito? Kung hindi mo magawa kahit ang isang bagay na katulad nito, paano mo pa masasabi na nagpapasakop ka sa Diyos? Nakikipagsuwagan ka, nakikipaglaban, subalit pinipilit mo pa ring magpalibre sa sambahayan ng Diyos. Maaari ba talagang mangyari iyon? Kahit ngayon, mayroong mga tao na hindi pa nakakalimot: “Minsan Mo nang sinaktan ang damdamin namin. Minsan Mo nang pinalayas ang ilan sa amin, ngunit hindi kami sang-ayon; gusto naming manatili sila, ngunit ayaw Mo silang bigyan ng pagkakataon. Ikaw ba ay isang matuwid na Diyos?” Sa palagay ba ninyo ay sasabihin ng mga demonyo kahit kailan na matuwid ang Diyos? (Hindi kailanman.) Maaaring sabihin ng kanilang bibig na matuwid ang Diyos, ngunit kapag kumilos ang Diyos, hindi katanggap-tanggap sa kanila iyon; hindi nila magawang purihin ang pagiging matuwid ng Diyos. Ang mga ito ay mga demonyo at mga mapagpaimbabaw.
Ano ang ipinapakita kahit sa isang simpleng bagay ng pagpapadala ng mga gulay? Madali ba para sa mga tao na magpasakop sa Diyos at sundin ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kumakain ang mga tao ng pagkaing inilaan ng Diyos, nakatira sila sa mga bahay na ibinigay ng Diyos, gumagamit sila ng mga gamit na ibinigay ng Diyos, pero kapag hiniling ng Diyos na ibahagi nila ang sobra nilang gulay sa iba, mapagpasakop ba sila? Nagkakatotoo ba ang mga salitang ito sa kanila? Sa mga tao, maaari. Maaaring isagawa ang mga ito. Ngunit sa mga demonyo, mga Satanas at mga anticristo, hindi kailanman magkakatotoo ang mga ito. Naisip ng taong iyon sa kanyang sarili, “Kung ipadala ko ang mga gulay na ito, maaalala ba ng sinuman ang mabuting gawa kong ito? Kung kainin ng iba ang mga gulay na ito at sabihin nila na biyaya ito ng Diyos, na ipinagawa sa akin ito ng Diyos, kung magpasalamat silang lahat sa Diyos, sino ang magpapasalamat sa akin? Ako ang lihim na bayani, ako ang nagpakapagod. Ako ang nagtanim ng mga gulay. Dapat mo akong pasalamatan. At kung hindi, kung hindi mo alam na ako ang gumawa nito, nangangarap ka kung iniisip mo na makakain mo ang mga gulay na itinanim ko!” Hindi ba’t ito ang naisip niya? At hindi ba’t masama ito? Napakasama nito! Paano maisasagawa ng isang masamang tao ang katotohanan at masusunod ang mga salita ng Diyos? Ang taong ito ay ipinanganak na isang demonyo, Satanas. Sinasalungat niya ang Diyos, nilalabanan niya ang katotohanan, at kinamumuhian niya ang katotohanan. Hindi niya kayang sumunod sa mga salita ng Diyos, kaya kailangan pa ba niyang sundin ang mga ito? Hindi. Kaya paano nararapat na pangasiwaan ang gayong bagay? Palayasin siya, at humanap ng isang taong kayang sumunod upang pumalit sa kanya. Iyon lamang, ganoon iyon kasimple. Angkop ba o hindi ang pangangasiwa sa mga bagay sa ganitong paraan? (Angkop ito.) Palagay Ko rin. Kung hindi siya aalis, magiging sanhi siya ng gulo, at pipinsalain ang iba pa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi Ka ba nasisiyahan dahil hindi siya sumunod sa Iyong mga salita? Ang ginawa lamang niya ay sumuway sa Iyo—malubha ba iyon? Pinalayas Mo siya dahil sa isang napakaliit na bagay, ngunit wala talaga siyang ginawang masama. Nagpadala lamang siya ng ilang bulok na gulay, at may ilang pagkakataon na wala siyang ipinadalang anuman at hindi siya sumunod sa Iyo. Maliit na bagay lamang ito, hindi ba?” Gayon ba ang nangyari? (Hindi.) Ano sa palagay ninyo ang tingin Ko rito? Ni hindi siya makasunod kahit sa isang napakasimpleng bagay, pero sinubukan niyang hadlangan ang mga bagay sa isang hindi makatwirang paraan dito. Sambahayan ito ng Diyos, walang anuman dito ang pag-aari niya. Bawat dahon ng damo, bawat puno, bawat burol, bawat anyong tubig dito—wala siyang awtoridad na kontrolin o magdikta sa alinman sa mga ito. Sinubukan niyang magdikta, na hadlangan ang mga bagay sa isang hindi makatwirang paraan. Ano ba siya? Walang kukunin o gagamitin sa alinman sa pag-aari niya, ni wala ring ilalabas sa kahit anong pag-aari niya; ang hinihiling lang sa kanya ay gumawa ng simpleng gawain at tuparin ang mga responsabilidad na dapat niyang gawin, ngunit hindi man lang niya magawa iyon. Dahil hindi niya magawa iyon, hindi Ko siya kinikilala bilang isang mananampalataya, at kinailangan niyang umalis sa sambahayan ng Diyos, kinailangan siyang palayasin! Makatwiran ba ang ginawa Ko? (Oo.) Ito ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos. Kung may makita Akong gayong masamang tao na gumagawa ng masama at hindi Ko siya pinaalis, kung hindi Ako nagpahayag ng anumang saloobin sa kanila, ilang tao sa palagay ninyo ang mapipinsala? Hindi ba ito magdudulot ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos? At hindi ba magiging hungkag na mga salita ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos? Ano ang sinasabi sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos patungkol sa mga masuwaying demonyo at anticristong nanggugulo, humahadlang sa mga bagay nang wala sa katwiran, at kumikilos nang walang kahihiyan? Paalisin sila at patalsikin mula sa sambahayan ng Diyos. Alisin sila mula sa mga hanay ng mga kapatid. Hindi sila maituturing na miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ano ang palagay ninyo sa pangangasiwa sa kanila nang ganito? Kapag naalis na ang mga ganitong uri ng tao, magpapatuloy na nang maayos ang lahat ng gawin. Ang mga diyablo at mga Satanas ay naghahangad na samantalahin kahit ang isang bagay na kasingliit ng pagkain ng mga gulay. Kahit sa bagay na ito, sinisikap nilang sila ang magpasiya, at gawin ang gusto nila. Lahat ng napag-usapan natin ay maliliit na bagay, ngunit magkagayon man, binabanggit nito ang pinakapayak sa lahat ng katotohanan. Ang pinakapayak sa lahat ng katotohanan ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos. Ano ang disposisyon ng mga taong ni hindi magawa iyon? Mayroon ba silang konsensiya at katwiran ng mga normal na tao? Wala talaga. Ito ang mga taong kulang sa pagkatao.
Tulad ng mga gulay, kailangan ding kumain ng karne at itlog ang mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya sinabihan Ko sila na mag-alaga ng ilang manok, at pakainin ang mga manok na ito ng butil, gulay at anumang katulad niyon. Dapat ay gumagala lamang ang mga ito. Sa gayong paraan, mas magaganda ang ipangingitlog ng mga ito kaysa sa mga ibinebenta sa mga palengke. Ang karne rin mismo ng manok ay magiging organic; hindi ito magkakaroon ng anumang mga hormone, at hindi makakapinsala sa mga tao kapag kinain nila iyon. Maaaring hindi mangitlog nang marami o masyadong magkalaman ang mga manok, ngunit garantisado ang kalidad ng mga ito. Nauunawaan mo ba ang ibig Kong sabihin dito? (Oo.) Kung gayon ay sabihin mo sa Akin, ilang impormasyon ang nilalaman ng kasasabi Ko lang? Una, ang pag-aalaga ng mga manok sa ganitong paraan ay magbibigay sa atin ng ilang organic na itlog na makakain. Gaano man karami ang karneng maaari nating kainin, kahit paano, hindi natin kailangang kumain ng mga itlog na may mga antibiotic. Iyon ang kinakailangan sa mga itlog. Pangalawa, ang kinakailangan sa karne ay na wala itong mga hormone, para hindi mag-aalinlangan ang mga tao na kainin iyon. Mahirap bang gawin ang dalawang kahilingang ito? (Hindi.) Hindi sobra-sobra ang kahilingang inilatag Ko, kundi praktikal din ang mga ito, hindi ba? (Oo.) Kalaunan, binili at pinakain ang mga sisiw. Gayunman, nang magsimula silang mangitlog, kinain namin ang mga itlog; may kaunting lasa ng mga antibiotic, tulad ng mga itlog na binibili sa supermarket. Pinag-isipan Ko ito nang kaunti: Binibigyan kaya nila ang mga iyon ng pagkaing may mga antibiotic? Kalaunan, tinanong Ko ang mga taong nag-alaga sa mga manok kung anong pagkain ang kinakain ng mga manok, at sabi nila ay pinulbos na buto. “Hindi natin kailangang paitlugin ang mga manok nang maaga. Pakainin ang mga ito gamit ang normal na pamamaraang organic at gumagala ang mga manok. Hayaan silang mangitlog nang normal,” sabi ko. “Hindi natin inaalagaan ang mga ito para makakuha ng maraming itlog, para lamang makakain tayo ng mga itlog na organic. Ito lamang ang kailangan.” Ano ang ibig Kong sabihin nang sabihin Ko ito? Sinasabi Ko sa kanila na huwag pakainin ng anuman ang mga manok na may mga antibiotic, hormone at anumang katulad nito. Kailangang bigyan ang mga manok ng pagkain na iba sa kinakain ng mga manok sa ibang lugar. Sa ibang lugar, ganap nang malaki ang mga manok pagkaraan lamang ng tatlong buwan, araw-araw nangingitlog ang mag ito, at ginagamit ang mga ito bilang mga makinang nangingitlog hanggang sa araw na kakatayin na ang mga ito. Magaganda ba ang mga itlog nito? At malinamnam ba ang karne? (Hindi.) Hiniling ko na pagalain ang mga manok, na hayaang manginain ang mga iyon sa labas, nang kumakain ng mga insekto at damo, at pagkatapos ay pakainin ng ilang cereal, butil at anumang katulad nito. Bagama’t hindi gaanong mangingitlog ang mga manok, magiging mas maganda ang kalidad nito; makakabuti ito para sa mga manok at sa mga tao. Madali bang gawin ang hiniling Ko? (Oo.) At madali ba itong maunawaan? Mayroon bang mahirap sundin sa sinabi Ko? (Madali itong maunawaan. Hindi ito mahirap.) Wala Akong naramdamang anumang hirap. Madali ito. Wala Akong hiniling na anuman tungkol sa dami ng itlog na ilalabas, sa kalidad lamang ng mga ito. Mauunawaan ito ng mga taong may normal na katwiran at normal na pag-iisip sa sandaling marinig nila ito. Madarama nila na ito ay simple, na magagawa ito, at hindi maglalaon ay maisasagawa na nila ang mga ito. Ang tawag dito ay pagiging masunurin. Ito ba ang ginawa ng mga taong nag-aalaga sa mga manok? Nakaya ba nilang gawin ito? Para magawa ito, kailangang magtaglay ng katwiran ng normal na pagkatao. Kapag hindi nila ito nagawa, ibig sabihin ay may problema. Hindi nagtagal matapos Kong sabihin ito, lumamig ang panahon. Batay sa mga normal na batas ng kalikasan, hindi na mangingitlog ang mga manok dahil dito. Ngunit may isang bagay na napakalinaw: Kapag mas lumamig ang panahon, hindi umunti ang iniitlog ng mga manok, mas dumami ang iniitlog ng mga ito. May mga itlog na makakain araw-araw, ngunit hindi kasingdilaw ng dati ang mga pula ng itlog, at tumigas nang tumigas ang puti. Nabawasan nang nabawasan ang linamnam ng mga itlog. Ano ang nangyayari? Sinabi Ko: “Ano ba ang nangyayari? Ang hirap na ngang makaraos ng mga manok na ito sa taglamig, bakit mo pa pinipilit na mangitlog ang mga ito para sa mga tao sa ngayon? Medyo malupit naman yata iyon!” Nang magpunta Ako at magtanong kalaunan, natuklasan Ko na binibigyan pa rin ang mga manok ng patuka na binili sa ibang lugar—ng patukang naggarantiya na patuloy silang mangingitlog kahit pa tagsibol, tag-init, taglagas o taglamig. “Karaniwan ay hindi nangingitlog ang mga manok sa panahong ito. Maaari naman tayong hindi kumain ng mga itlog. Patuloy lamang ninyong alagaan ang mga ito. Pagdating ng tagsibol, magsisimula muling mangitlog ang mga ito, at magiging maganda ang kalidad ng mga itlog na ito,” sabi ko. “Huwag kang maging ganid. Hindi kita inutusan na patuloy na paitlugin ang mga ito, ni hindi kita inutusan na magbigay pa rin ng mga itlog sa taglamig. Yamang hindi kita inutusang gawin ito, bakit mo patuloy na pinapakain ang mga ito ng patukang iyon na binili mo? Bawal mo na silang pakainin niyon.” Malinaw ba ang sinabi Ko? Una, hindi Ko hiningi na talagang kailangang may mga itlog na makakain anuman ang panahon. Pangalawa, sinabi Ko sa kanila na huwag bigyan ang mga manok ng patukang iyon, na huwag pabilisin ang pangingitlog. Mahirap bang gawin ang maliit ng kahilingang ito? (Hindi.) Ngunit ang resulta ay, makalipas ang ilang panahon kumain Ako ng ilang itlog na muling initlog ng ating mga manok. Sinabi Ko sa Sarili Ko: Gulong-gulo ang isip ng mga taong ito, bakit hindi sila sumunod sa sinabi Ko? Nangingitlog pa rin ang mga manok, kaya siguradong hindi pa nila patuka—ito ang nangyayari.
Ano ang makikilatis ninyo sa nangyari sa pag-aalaga ng mga manok? (Na hindi nagpapasakop o sumusunod ang mga tao sa mga salita ng Diyos.) Sinabi ng ilang tao, “Pagsunod sa mga salita ng Diyos—ang ibig sabihin niyan ay pagsunod sa kaloooban ng Diyos. Dapat kaming sumunod pagdating sa mga bagay na dakila at matayog, iyon ang mga bagay na ukol sa kalooban ng Diyos, sa pagsasagawa ng gawain ng Diyos, at sa Kanyang malaking gawain. Lahat ng sinasabi Mo ay nauugnay sa maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay, na walang kinalaman sa pagsunod sa kalooban ng Diyos—kaya hindi namin kailangang gawin ang sinasabi Mo. Ang sinasabi Mo ay walang kaugnayan sa aming tungkulin, ni sa aming pagpapasakop at pagsunod sa mga salita ng Diyos, kaya may katwiran kaming salungatin Ka, sa pagpili kung susunod kami o hindi. Bukod pa riyan, ano ang alam Mo tungkol sa normal na buhay ng tao, sa mga usapin ng pamilya? Hindi Mo nauunawaan, kaya wala Kang karapatang magsalita. Huwag Mo kaming bugahan ng kalokohan—hindi namin kailangang sumunod sa Iyo sa bagay na ito.” Hindi ba’t ito ang iniisip nila? At tama bang mag-isip ng gayon? (Hindi.) Nasaan ang mali? (Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi namimili kung ang mga bagay ay malaki o maliit. Basta’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat sumunod ang mga tao, at dapat silang magpasakop sa mga iyon at isagawa ang mga iyon.) Sabi ng ilang tao, “Sinusunod ko ang mga salita ng Diyos na ang katotohanan. Hindi ko kailangang sundin ang mga salita na hindi ang katotohanan. Nagpapasakop lamang ako sa katotohanan. Ang ibig sabihin ng ‘pagsunod sa daan ng Diyos’ ay pagsunod, pagtalima, at pagpapasakop sa bahaging iyon ng mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos na katotohanan. Ang mga salitang nauukol sa buhay ng mga tao, at walang kaugnayan sa katotohanan, ay maaaring balewalain.” Tama ba ang gayong pagkaunawa? (Hindi.) Kaya paano ninyo itinuturing ang katotohanan, at ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t pinag-iba nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan? At hindi ba’t ginawa nitong simbolo lamang ang katotohanan? Hindi ba’t itinuring nila ang katotohanan bilang napakahungkag? Ang paglikha ng Diyos ng lahat ng bagay, ang mga hugis at kulay ng mga dahon sa mga puno, ang mga hugis at kulay ng mga bulaklak, ang pag-iral at pagpapakalat ng lahat ng bagay—may anumang kinalaman ba ang lahat ng ito sa katotohanan? May kinalaman ba ito sa kaligtasan ng tao? Konektado ba ang istruktura ng katawan ng tao sa katotohanan? Wala ni isa rito ang konektado sa katotohanan, ngunit lahat ng ito ay nagmumula sa Diyos. Kung walang isa man dito ang nauukol sa katotohanan, hindi mo ba maaamin na tama ang mga ito? Maaari mo bang itanggi na tama ito? Maaari mo bang sirain ang mga batas ng paglikha ng Diyos ayon sa gusto mo? (Hindi.) Kaya ano ang dapat mong maging saloobin? Kailangan mong sumunod sa mga batas nito. Kapag may mga bagay kang hindi nauunawaan, tamang magtiwala sa sinambit ng bibig ng Diyos. Hindi mo kailangan pag-aralan ang mga ito, o sikaping maunawaang mabuti ang mga ito—kailangan mo lamang na huwag labagin ang kanilang mga batas. Ito ang ibig sabihin ng magtiwala at magpasakop. Pagdating sa mga gawi, sentido kumon, at mga panuntunan ng pang-araw-araw na buhay, at iba pa, na hinihingi ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay, na walang kaugnayan sa kaligtasan ng tao, bagama’t maaaring hindi kapareho ng mga ito ng antas o grado ang katotohanan, positibong bagay ang lahat ng ito. Lahat ng positibo ay nagmumula sa Diyos, kaya dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito—tama ang mga salitang ito. Dagdag pa riyan, dahil mga tao sila, anong katwiran at konsensiya ang dapat matagpuan sa kanila? Ang una ay dapat matutunan nila kung paano sumunod. Sumunod sa mga salita nino? Sumunod sa salita ng mga diyablo at ni Satanas? Sumunod sa mga salita ng mga tao? Sumunod sa mga salita ng mga dakilang tao, mga namumukod-tanging tao? Sumunod sa mga salita ng mga anticristo? Wala sa mga ito. Dapat silang sumunod sa mga salita ng Diyos. Ano ang mga prinsipyo at partikular na mga pagsasagawa ng pagsunod sa mga salita ng Diyos? Hindi mo na kailangang suriin kung tama ba ang mga ito o mali, at hindi mo na kailangang itanong kung bakit. Hindi mo kailangang maghintay hanggang sa maunawaan mo ang mga ito bago mo isagawa ang mga ito. Sa halip, dapat ka munang makinig, magsakatuparan, magsagawa, at sumunod, na siyang dapat mo ring maging unang saloobin. Saka ka lamang magiging isang nilikha, at isang akma at angkop na tao. Kung hindi mo kayang gawin kahit ang pinakapayak na pag-asal na ito, at hindi ka kinikilala ng Diyos bilang tao, magagawa mo pa bang lumapit sa Kanya? Karapat-dapat ka bang makarinig sa mga salita ng Diyos? Karapat-dapat ka bang makarinig sa katotohanan? Karapat-dapat ka ba sa kaligtasan? Hindi ka kwalipikado sa anumang bagay na ito.
Sumunod at nagpasakop ba ang mga taong kakabanggit Ko lang na sangkot sa mga manok at itlog? (Hindi.) Ano ang naging trato nila sa mga salita ng Diyos? Para silang walang narinig, at sa isipan nila ay mayroon silang partikular na pananaw: “Sabihin Mo kung ano ang dapat Mong sabihin, at gagawin ko kung ano ang dapat kong gawin. Wala akong pakialam sa mga kahingian Mo! Sapat nang binibigyan Kita ng makakaing mga itlog—sinong may pakialam kung anong mga itlog ang kinakain Mo. Gusto Mong kumain ng mga organikong itlog? Huwag umasa. Mangarap Ka na lang! Hiniling Mo sa akin na mag-alaga ng mga manok, at ganito ko inaalagaan ang mga ito, pero nagdadagdag Ka pa ng mga sarili Mong hinihingi—may karapatan Ka bang magsalita tungkol dito?” Sumusunod at nagpapasakop ba ang mga taong ito? (Hindi.) Ano ang gusto nilang gawin? Gusto nilang maghimagsik! Lugar ang sambahayan ng Diyos kung saan nagsasalita at gumagawa ang Diyos, at isang lugar kung saan naghahari ang katotohanan—kung, kapag may direktang sinabi ang Diyos sa kanila, hindi sumunod ang mga taong ito, hindi nagpasakop, maiisabuhay ba nila ang salita ng Diyos nang hindi Niya alam? Mas lalong malabo iyon! Mula sa malabo hanggang sa mas lalong malabo: batay sa dalawang bagay na ito, ang Diyos ba ang Diyos nila? (Hindi.) Kaya sino ang diyos nila? (Sarili nila.) Tama—itinuturing nila ang sarili nila bilang diyos, nananalig sila sa sarili nila. Kung gayon, ano pa ang ginagawa nila rito? Dahil sila ang sarili nilang diyos, bakit pa nila ipinangangalandakang nananalig sila sa Diyos? Hindi ba niloloko nila ang ibang tao? Hindi ba niloloko nila ang sarili nila? Kung ganito ang saloobin ng mga tao sa Diyos, kaya ba nilang sumunod? (Talagang hindi.) Kahit na sa isang napakasimpleng bagay, hindi sila makasunod sa salita ng Diyos o magkapagpasakop sa Diyos, walang epekto sa kanila ang mga salita ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang mga ito at hindi sila makapagpasakop sa mga ito. Maliligtas ba ang mga gayong tao? (Hindi.) Gaano sila kalayo sa kaligtasan? Napakalayo, ni hindi man lamang malapit! Sa isip, handa bang iligtas ng Diyos ang mga hindi sumusunod sa Kanyang mga salita, ang mga nakikipagtagisan sa Kanya? Talagang hindi. Kahit ang mga tao, kung susukatin ito batay sa sarili nilang mga kaisipan, ay hindi magiging handa na gawin ito. Kung kakalabanin ka ng mga ganitong diyablo at Satanas, para makipagtagisan sa iyo sa lahat ng aspeto, ililigtas mo ba sila? Imposible. Walang sinumang gustong iligtas ang mga gayong tao. Walang sinumang gustong makipagkaibigan sa gayong mga tao. Patungkol sa pag-aalaga ng mga manok—isang napakaliit na bagay—nalantad ang likas na pagkatao ng mga tao; sa isang napakaliit na bagay, walang kakayahang sumunod ang mga tao sa sinabi Ko. Hindi ba’t malubhang problema ito?
Pagkatapos ay pag-usapan natin ang isang bagay na kinasasangkutan ng mga tupa. Siyempre, may kaugnayan pa rin ito sa mga tao. Sumapit na ang tagsibol. Mainit ang panahon at namumukadkad na ang mga bulaklak. Yumayabong na ang mga halaman, luntian ang damo. Lahat ay nagsisimulang magningning sa buhay. Ang mga tupa ay kumakain ng dayami sa buong taglamig, at ayaw na nilang kainin ito, kaya inaasam ng mga ito ang panahon na maging luntian ang damo at makakain na ang mga ito ng sariwang damo. Nangyari na ito rin ang panahon kung kailan ipinanganak ng mga babaeng tupa ang mga kordero, na nangangahulugan na mas kailangan nilang kumain ng luntiang damo. Kung mas mataas ang kalidad ng damo, at mas marami nito, mas maraming gatas ang magagawa nila, at mas mabilis na lalaki ang mga kordero; masisiyahan din ang mga tao na makita ito, ito ay isang bagay na dapat asamin: isang maganda at matabang korderong makakain pagsapit ng taglagas. At dahil may inaasam na isang bagay ang mga tao, dapat ba silang humanap ng mga paraan para mabigyan ng mas maraming magandang damong makakain ang mga kordero, para mapakain ang mga ito upang maging malalakas at matataba ang mga ito? Hindi ba’t dapat pinagmuni-munihan nila, “Hindi maganda ang damo sa parang sa panahong ito. Babagal ang paglaki ng mga kordero kung kakainin nila ito. Saan kaya may magandang damo?” Hindi ba’t silang gumawa ng kaunting pagsisikap dito? Ngunit sino ang nakakaalam kung ano ang iniisip ng taong nag-aalaga sa mga tupa. Isang araw dinalaw Ko ang mga tupa. Nakita Ko na maayos ang lagay ng mga tupa, at natutuwa ang mga ito kapag nakakakita ng mga tao, ipinapatong ang mga harapang paa ng mga ito sa mga binti ng tao para umabot pataas, nais makipag-usap sa mga tao. May mga sungay na ang ilang tupa, kaya hinawakan Ko ang maliliit na sungay at nakipaglaro sa mga ito. Maayos ang lagay ng mga tupang iyon, pero labis silang nangayayat at nanuyo. Naisip Ko na malalambot ang mga tupa at hindi makakapal ang balahibo ng mga ito, ngunit maiinit pa rin ang mga ito, at naisip Ko na mas mabuti kung papatabain ang mga ito nang kaunti. Habang iniisip Ko ito, tinanong Ko ang taong nag-aalaga ng mga tupa. “Hindi ba maganda ang kalidad ng damong ito? Wala bang sapat sa parang na makakain ng mga tupa? Dapat bang bungkalin ang lupa at magtanim ng kaunting bagong damo, para may sapat silang makakain?” Sinabi niya, “Walang sapat na luntiang damong makakain. Sa ngayon, kumakain pa rin ng dayami ang mga tupa.” Nang marinig Ko ito, sinabi Ko, “Hindi mo ba alam kung anong panahon ito? Bakit pinakakain mo pa rin sila ng dayami? Nanganak na ang mga babaeng tupa ng mga kordero, dapat ay maganda at sariwang damo ang kinakain nila. Bakit pinakakain mo pa rin sila ng dayami? Nakaisip ka na ba ng solusyon para dito?” Marami siyang sinabing dahilan. Nang sabihin Ko sa kanya na bungkalin ang parang, sinabi niyang hindi niya kaya—kung ginawa niya iyon, wala nang makakain ngayon ang mga tupa. Ano ang palagay ninyo matapos ninyong marinig ang lahat ng ito? May nadarama ba kayong pasanin? (Mag-iisip ako ng mga paraan para makahanap ng magandang parang ng damo, o gumapas ng ilang damo sa ibang lugar.) Isang paraan iyon para malutas ito. Huwag mong basta busugin ang tiyan mo at kalimutan ang lahat ng iba pa—kailangan ding mabusog ang mga tupa. Kalaunan, sinabi Ko sa ilan pang tao, “Pwede bang bungkalin ang parang na ito? Kahit magtanim ka sa taglagas, makakakain ng luntiang damo ang mga tupa sa susunod na taon. Bukod pa riyan, dalawa ang parang sa iba pang mga lugar, maaari bang tipunin doon ang mga tupa araw-araw para makakain ng sariwang damo? Kung pinagsasalit-salit ang dalawang parang, hindi ba makakakain ng sariwang damo ang mga tupa?” Madali bang gawin ang sinabi Ko? (Oo.) Sabi ng ilang tao, “Mas madaling sabihin iyon kaysa gawin. Palagi Mong sinasabi na madaling gawin ang mga bagay-bagay—paano ito naging madali? Napakaraming tupa, at kapag nagtatakbuhan sila, hindi talaga sila madaling tipunin.” Hirap na hirap na sila sa pagtitipon lamang ng mga tupa, napakarami nilang dahilan at suliranin, ngunit sa huli ay sumang-ayon sila. Pagkaraan ng ilang araw nagpunta Ako para tumingin ulit. Lumago na nang husto ang damo nang halos hanggang baywang. Nagtaka Ako kung paano ito tumaas nang ganoon samantalang kinakain ito ng mga tupa. Pagkatapos magtanong ng ilang bagay, natuklasan Ko: Hindi man lamang nadala roon ang mga tupa para manginain ng damo. May dahilan din ang mga tao: “Walang silungan sa parang, naiinitan nang husto ang mga tupa.” Sabi Ko, “Bakit hindi na lang sila gawan ng silungan? Kaunti lamang ang mga tupa. Ano ba dapat ang ginagawa ninyo rito? Hindi ba’t dapat na pinangangasiwaan ninyo ang mga simpleng usaping ito?” Sagot nila, “Wala kaming mahanap na gagawa nito.” Sabi Ko, “May mga taong gagawa ng iba pang mga bagay, bakit walang gagawa nito? Naghanap ka na ba? Ang pinapahalagahan mo lamang ay ang kainin ang tupa, hindi ang palakihin sila. Bakit napakamakasarili mo? Gusto mong kumain ng kordero ngunit hindi mo sila pinapakain ng luntiang damong—bakit napaka-imoral mo!” Nang mapilitan na sila, ginawa ang silungan at nakakain ng luntiang damo ang mga tupa. Madali ba para sa kanila ang kumain ng kaunting luntiang damo? Napakahirap gawin ang isang napakasimpleng bagay para sa mga taong ito. Sa bawat hakbang, nagdahilan sila. Nang magkaroon sila ng dahilan, nang mayroong sangkot na anumang mga suliranin, sumuko sila at naghintay na dumating Ako at ayusin iyon. Kinailangan Kong subaybayan palagi kung ano ang nangyayari, kinailangan Kong bantayan ito palagi, kinailangan Kong pilitin sila palagi—hindi maaaring hindi Ko sila pilitin. Bakit Ako dapat mag-alala tungkol sa isang bagay na walang halaga na katulad ng pagpapakain sa mga tupa? Inihahanda Ko ang lahat para sa inyo, kaya bakit kailangan ng labis na pagsisikap para mapasunod kayo sa kaunting salita Ko? Hinihiling Ko ba sa iyo na umakyat ng bundok ng mga kutsilyo o lumangoy sa dagat-dagatang apoy? O napakahirap bang isagawa nito? Hindi ba’t responsibilidad mo ito? May kapangyarihan kang maisakatuparan ang lahat ng ito. Saklaw ito ng mga kakayahan mo. Hindi ito mahirap gawin. Bakit hindi mo ito nagagawa? Saan nagmumula ang problema? Pinagawa ba kita ng arka? (Hindi.) Gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng ipinagawa sa iyo, at ng paggawa ng arka? Napakalaki. Ang gawaing hiniling sa iyo na isakatuparan ay tatagal lamang nang isa o dalawang araw. Ilang salita lamang ang kakailanganin nito. Kayang gawin ito. Ang paggawa ng arka ay isang napakabigat na gawain, 100 taong gawain. Nangangahas Akong sabihin na kung kayo ay naipanganak sa panahon ni Noe, wala ni isa man sa inyo ang makakayang sumunod sa mga salita ng Diyos. Nang sumunod si Noe sa mga salita ng Diyos, nang gawin niya ang arka, nang paunti-unti, tulad ng utos ng Diyos, kayo ang magiging mga tao na nakatayo sa isang tabi, na pumipigil kay Noe, pinagkakatuwaan siya, kinukutya siya, at pinagtatawanan siya. Ganyang klaseng tao kayo talaga. Walang-wala kayong saloobing sumunod at magpasakop. Taliwas dito, hinihiling ninyo na pakitaan kayo ng Diyos ng partikular na biyaya, at na partikular kayong pagpalain at bigyang liwanag. Paano ka naging napakawalang kahihiyan? Ano ang masasabi ninyo, alin sa mga bagay na katatalakay Ko pa lamang ang Aking responsibilidad? Alin ang dapat Kong gawin? (Wala sa mga iyon.) Lahat ng bagay na ito ay mga usapin ng tao. Hindi Ko iyan tungkulin. Dapat ay magawa Kong iwan kayo nang mag-isa. Kaya bakit Ko kailangang makisali? Ginagawa Ko ito hindi dahil sa tungkulin Ko ito, kundi para sa inyong sariling kapakanan. Walang isa man sa inyo ang nag-aalala tungkol dito, wala ni isa man sa inyo ang nakagawa ng responsibilidad na ito, wala ni isa man sa inyo ang may ganitong mabubuting layunin—kaya kailangan Kong lalong magpakapasakit para dito. Ang kailangan lamang ay sumunod kayo at makipagtulungan, napakasimple niyon—ngunit ni hindi ninyo iyon magawa. Tao pa ba kayo?
May isa pang mas malubhang insidente. Mayroong isang lugar kung saan may itinatayong gusali. Ang gusali ay medyo mataas at medyo malaki ang sakop na lugar. Marami-raming kagamitan ang nasa sa loob nito; at para mas madaling ilipat ang mga ito, mangangailangan, sa ponakamababa, ng isang set ng dalawahang pinto, at kailangan ay walong talampakan man lang ang taas ng mga ito. Maiisip ng mga taong normal ang tungkol sa lahat ng ito. Ngunit mayroong nagpumilit na maglagay ng nag-iisang anim-na-talampakang pinto. Hindi niya pinansin ang mungkahi ng lahat ng iba pa, kaninuman nagmula ang mga iyon. Magulo ba ang isipng taong ito? Labis siyang mapanlinlang. Kalaunan, nang may magsabi sa Akin tungkol dito, sinabi Ko sa taong iyon, “Kailangan mong magkabit ng dalawahang pinto, at kailangan ay mas mataas ang mga iyon.” Atubili siyang pumayag. Ang totoo, pumayag siya kunwari, ngunit ano ang lihim niyang sinabi? “Bakit ba kailangang maging napakataas ng mga iyon? Ano ang problema kung mas mababa ang mga iyon?” Kalaunan, nagpunta Akong muli para tingnan ito. Naidagdag lang ang isa pang pinto, ngunit pareho pa rin ang taas. At bakit pareho pa rin ang taas? Imposibleng bang gumawa ng mas mataas na pinto? O sasayad ba sa kisame ang pinto? Ano ang problema? Ang problema ay ayaw niyang sumunod. Ang iniisip niya talaga ay, “Ikaw ba ang nagpapasya? Ako ang amo rito, ako ang nagpapasya. Ginagawa ng ibang mga tao ang sinasabi ko, hindi ang kabaligtaran. Ano ba ang alam Mo? Nakakaunawa Ka ba ng konstruksyon?” Ibig sabihin ba ng hindi nakakaunawa ng konstrukyon ay hindi Ko nakikita ang hitsura ng mga proporsyon? Sa gayon kababang pinto sa isang napakataas na gusali, kapag pumasok doon ang taong mahigit 6’2 na talampakan ang tangkad, kung hindi sila yuyukod mauuntog sila sa hamba. Anong klaseng pinto ba ito? Hindi Ko na kailangang makaunawa ng konstruksyon—sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ang paliwanag Ko tungkol dito? Praktikal ba iyon? Ngunit hindi nauunawaan ng taong iyon ang gayong praktikalidad. Ang alam lamang niya ay sumunod sa mga regulasyon, sinasabi niya: “Ganito lahat ang hitsura ng mga pinto sa pinanggalingan ko. Bakit ko dapat gawing kasing taas iyon ng sinabi Mo? Ipinagawa Mo sa akin ito, at ganito ko ginawa ito. Kung wala akong silbi sa Iyo, kalimutan mo na ito! Ganito ang paggawa ko sa mga bagay, at hindi Kita susundin!” Anong klase ang taong ito? Palagay ba ninyo ay maaari pa rin siyang kasangkapanin ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang dapat gawin dahil hindi siya maaaring kasangkapanin? Bagama’t may palatandaan na nagsisikap ang gayong mga tao sa sambahayan ng Diyos, at hindi kaagad pinalalayas, at bagama’t nagagawa ng mga kapatid na magparaya sa kanila, at nagagawa Kong magparaya sa kanila, pagdating sa kanilang pagkatao—kalimutan na natin kung nauunawaan nila ang katotohanan o hindi—nagtatrabaho at naninirahan sa isang kapaligirang tulad ng sambahayan ng Diyos, malamang ba na magtagal sila? (Hindi.) Dapat ba natin silang palayasin? (Hindi.) Malamang bang manatili sila sa iglesia sa loob ng mahabang panahon? (Hindi.) Bakit hindi? Isantabi natin kung nauunawaan nila ang sinabi sa kanila. Dahil ganito ang disposisyon nila, matapos magpakita ng kaunting palatandaan ng pagsisikap, nagiging mayabang sila, at sinusubukan nilang magdikta. Maaari ba itong mangyari sa sambahayan ng Diyos? Wala silang silbi, subalit iniisip nila na mabusay sila, na sila ay isang haligi, at na maaasahan sila sa sambahayan ng Diyos, kung saan kumikilos sila nang walang ingat, at sinusubukan nila na sila ang magpasya. Malamang na magkaroon sila ng mga problema, at hindi sila magtatagal. Sa mga taong katulad nito, kahit hindi sila patalsikin ng sambahayan ng Diyos, kapag matagal-tagal na silang narito ay mapapansin nila na sa sambahayan ng Diyos, laging pinag-uusapan ng mga tao ang katotohanan, ang prinsipyo; wala silang interes dito, walang silbi ang modus operandi nila rito. Saanman sila magpunta at anuman ang kanilang ginagawa, hindi nila kayang makipagtulungan sa iba, at gusto nila na sila palagi ang magpasya. Ngunit hindi maaari iyan, at natatagpuan nila ang kanilang sarili na limitado sa lahat ng aspeto. Habang lumilipas ang panahon, nauunawaan ng karamihan sa mga kapatid ang katotohanan at ang mga prinsipyo; samantalang sinusubukan ng mga taong ito na gawin ang gusto nila, sinusubukang maging amo at magpasya, at hindi sila kumikilos ayon sa prinsipyo, maraming tao ang tumitingin nang mapanghamak sa kanila—natitiis ba nila ito? Pagdating ng panahon, mararamdaman nila na hindi sila bagay sa mga taong ito, na likas na hindi sila nabibilang dito, na mali ang kanilang kinaroroonan: “Paano ako aksidenteng napunta sa sambahayan ng Diyos? Napakasimple ng pag-iisip ko. Akala ko kung magsisikap ako nang kaunti, maiiwasan ko ang kapahamakan, at mapagpapala ako. Hindi ko naisip kailanman na hindi ganito ang mangyayari!” Likas na hindi sila nabibilang sa sambahayan ng Diyos; matapos manatili sandali, nawawalan sila ng interes, nanlalamig sila, at hindi na sila kailangang patalsikin pa—sila na mismo ang umaalis.
Sinasabi ng ilang tao, “Wala bang bagay na hindi Mo pinapakialaman? Usisero Ka, hindi ba? Gusto mo lang ipakita ang Iyong katanyagan, ipadama ang presensya Mo, at ipaalam sa mga tao ang pagiging makapangyarihan Mo sa lahat sa pamamagitan ng pakikialam sa mga usapin ng ibang tao, hindi ba?” Sabihin mo sa Akin, ayos lang ba kung hindi Ko aasikasuhin ang mga bagay na ito? Sa realidad, ayaw kong asikasuhin ang mga ito, ang mga ito ay responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero kung hindi Ko ito gagawin, magkakaroon ng problema, at maaapektuhan ang susunod na gawain. Kailangan Ko bang makialam sa gayong mga usapin kung nalutas na ninyo ang mga iyon, kung ginawa ninyo ang ipinagawa Ko? Kung hindi Ko kayo aalalahanin, hindi ninyo isasabuhay ang anumang wangis ng tao, ni hindi kayo mamumuhay nang maayos. Wala kayong magagawa nang kayo-kayo lang. At kahit magkaganoon, hindi pa rin kayo sumusunod sa Akin. Sasabihin Ko sa inyo ang isang napakasimpleng bagay, ang napakasimpleng usapin ng kalinisan at pangangalaga sa paligid na inyong tinitirhan. Paano kayo kumikilos tungkol sa usaping ito? Kung may pupuntahan Akong lugar at hindi Ko ipinaalam sa inyo nang maaga, magiging napakarumi ng kapaligiran ninyo, at kakailanganin ninyong linisin iyon kaagad-agad, at maiinis kayo at maaasiwa. Kung sinabi Ko sa inyo nang maaga na paparating Ako, hindi gaanong magiging masama ang sitwasyon—ngunit akala ba ninyo ay hindi ko alam ang nangyayari kapag hindi Ako nakatingin? Maliliit na bagay ang lahat ng ito, ilan sa pinakasimple at pinakapangunahing punto ng normal na pagkatao. Pero kahit kayo, ganito katamad. Talaga bang magagawa ninyo nang mabuti ang tungkulin ninyo? Nanatili Ako sa ilang lugar sa mainland China nang sampung taon, tinuruan Ko ang mga tao roon kung paano tiklupin ang mga kumot at ibilad ang mga ito sa araw, kung paano maglinis ng bahay, at kung paano magsindi ng kalan sa mga bahay. Pero pagkatapos ng sampung taon ng pagtuturo, hindi Ko pa rin sila naturuan. Dahil ba hindi ako marunong magturo? Hindi, masyado lang talagang walang kwenta ang mga taong ito. Kalaunan, tumigil na Akong magturo. Kapag napupunta Ako sa isang lugar at may nakikita Akong kumot na hindi nakatupi, tatalikod na lang Ako at aalis. Bakit Ko ito ginagawa? Nababahuan kasi Ako at nandidiri. Bakit Ako mananatili sa isang lugar na mas masahol pa kaysa sa kulungan ng baboy? Ayaw Kong gawin iyon. Kahit ang maliliit na problemang ito ay napakahirap baguhin. Kung patitindihin Ko ang sitwasyon sa pagsunod sa daan ng Diyos, at sa kalooban ng Diyos, sa tuwirang pananalita, hinding-hindi ninyo ito maaabot. Ano ang pangunahing puntong sinasabi Ko ngayon? Napakahalagang sumunod sa mga salita ng Diyos, at hindi mo ito dapat balewalain. Ang pagsunod sa mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na dapat mong suriin, pag-aralan, talakayin o usisain ang mga salita ng Diyos na dapat mong siyasatin ang mga dahilan sa likod ng mga ito, at subukang makabuo ng dahilan; sa halip, dapat mong isakatuparan ang Kanyang mga salita at isagawa ang mga iyon. Kapag nagsasalita sa iyo ang Diyos, kapag inutusan ka Niyang isagawa ang isang gawain o ipinagkatiwala Niya sa iyo ang isang bagay, ang susunod na gustong makita ng Diyos ay kumikilos ka, at kung paano mo ito isasakatuparan, sa paisa-isang hakbang. Walang pakialam ang Diyos kung nauunawaan mo ang bagay na ito o hindi, ni wala Siyang pakialam kung, sa puso mo, mausisa ka tungkol dito, o kung mayroon kang anumang pagdududa tungkol dito. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung gagawin mo ito, kung mayroon kang saloobing sumunod at magpasakop.
Nagkataon na kausap Ko ang ilang tao tungkol sa mga kasuotan para sa mga palabas. Ang pangunahing prinsipyo ay dapat maging disente, may dignidad, marangal, at elegante ang kulay at estilo ng mga kasuotan. Hindi dapat magmukhang kakaibang kasuotan ang mga ito. Bukod pa riyan, hindi na kailangang gumastos nang husto. Hindi kailangang manggaling ang mga ito sa isang partikular na taga-disenyo, lalo nang hindi kailangang magpunta sa mamahalin at may tatak na mga tindahan para bilhin ang mga ito. Ang Aking pananaw ay dapat pagmukhaing elegante, disente at may dignidadang mga kasuotan ng mga gumaganap, na maayos dapat silang tingnan. Walang mga limitasyon sa kulay, maliban sa pag-iwas sa mga mukhang hindi maganda o madilim kapag nasa entablado. Ayos lang ang karamihan sa iba pang mga kulay: pula, kahel, dilaw, berde, asul, indigo, lila—walang mga regulasyon para dito. Bakit may ganitong prinsipyo? Bawat kulay ay nasa likha ng Diyos. May kulay ang mga bulaklak, gayon din ang mga puno, halaman, at ibon. Kaya hindi tayo dapat magkaroon ng mga haka-haka o panuntunan tungkol sa kulay. Pagkatapos sabihin ito, nangamba Ako na baka hindi nila maunawaan. Tinanong Ko silang muli, at napanatag lamang Ako nang sabihin ng lahat ng nakarinig sa Akin na naunawaan nila. Ang natitira ay maaaring isakatuparan ayon sa prinsipyong nabanggit Ko. Simpleng bagay ba ito? Malaking bagay ba ito? Mas malaki ba ito o mas maliit na gawain kaysa sa paggawa ng arka? (Mas maliit.) Kumpara sa pag-aalay ni Abraham kay Isaac, mahirap ba ito? (Hindi.) Wala talaga itong kaakibat na hirap, at simple ito—tungkol lamang ito sa pananamit. Lantad ang mga tao sa pananamit mula sa sandaling ipanganak sila; hindi ito mahirap na bagay. Mas madali pa ngang isagawa ng mga tao ang mga bagay na ito nang ipaliwanag Ko ang isang partikular na prinsipyo. Ang mahalaga ay kung sumunod ba sila, at kung handa ba silang gawin ito. Pagkaraan ng ilang panahon, nang magawa na ang ilang palabas at pelikula, nakita Ko na lahat ng kasuotan ng mga bida ay asul. Pinag-isipan Ko ito nang kaunti: “May problema ba sa isipan ng mga tao na gumagawa ng mga palabas na ito? Napakalinaw ng sinabi Ko. Hindi Ako gumawa ng isang panuntunan na kailangan ay asul ang mga kasuotan, at na sinumang hindi nakasuot ng asul ay hindi dapat payagan sa entablado. Ano ang problema ng mga taong ito?Ano ang umuudyok at nangingibabaw sa kanila? Nagbago na ba ang mga kalakaran sa mundo sa labas, at asul na lamang ang isinusuot ng mga tao ngayon? Hindi. Walang mga panuntunan ang mundo sa labas tungkol sa mga kulay at estilo, nagsusuot ang mga tao ng lahat ng uri ng kulay. Kaya kakatwa na dapat mangyari ang gayong sitwasyon sa ating iglesia. Sino ang huling tumitingin sa mga kasuotan? Sino ang may kontrol sa usaping ito? Mayroon bang namamahala sa mga bagay-bagay?” Mayroon ngang namamahala sa mga bagay-bagay; dahil dito, anuman ang estilo, lahat ng kasuotan ay wala nang iba kundi asul. Walang nagawang kaibhan ang sinabi Ko. Nakapagpasya na sila na kailangan ay asul ang lahat ng pananamit—wala nang ibang isusuot ang mga tao kundi asul. Ang asul ay sumasagisag sa espirituwalidad, at kabalanan; ito ang kulay na tatak ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi asul ang kanilang mga kasuotan, hindi sila papayag na matuloy ang palabas at hindi sila mangangahas na gawin iyon. Sinabi Ko na katapusan na ng mga taong ito. Napakasimpleng bagay nito, ipinaliwanag Ko ang bawat punto nang napakalinaw, at tiniyak Ko na naunawaan nila iyon pagkatapos Kong magpaliwanag; nang magkasundo lamang Kaming lahat ay saka Ko lamang tinapos ang paksa. At ano ang naging resulta sa huli? Dumaan lamang na parang hangin ang sinabi Ko. Walang sinumang nagpahalaga rito. Tinupad at isinagawa pa rin nila ang gusto nila; walang sinumang nagsagawa ng sinabi Ko, walang sinumang tumupad nito. Ano ba talaga ang ibig nilang sabihin nang sabihin nila na naunawaan nila? Binibiro Ako ng mga taong ito. Maghapon silang nagtsitsismisan tulad ng mga babaeng iyon na nasa katanghalian ang edad na nasa kalsada. Ganito rin nila Ako pag-usapan at ganito rin ang kanilang naging saloobin. Kaya nadama Ko sa puso Ko: Ang saloobin ng mga taong ito kay Cristo ay ang saloobin nila sa Diyos, at labis na nakakapag-alala ang saloobing ito, isang mapanganib na palatandaan, isang masamang hudyat. Gusto ba ninyong malaman kung ano ang inihuhudyat nito? Kailangan ninyong malaman. Kailangan Kong sabihin ito sa inyo, at kailangan ninyong makinig nang mabuti: Batay sa namamalas sa inyo, sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos, marami sa inyo ang masasadlak sa sakuna; ang ilan sa inyo ay masasadlak sa sakuna para maparusahan, at ang ilan ay para mapino, at hindi maiiwasan ang sakuna. Ang mga pinaparusahan ay mamamatay agad, masasawi sila. Gayunman, para sa mga pinipino sa sakuna, kung at susunod at magpapasakop sila dahil dito, at magagawang manindigan nang matatag, at magtataglay sila ng patotoo, matatapos ang pinakamahirap na pagsubok; kung hindi, wala na silang pag-asa sa hinaharap, manganganib sila, at mawawalan na sila ng iba pang pagkakataon. Naririnig ba ninyo Ako nang malinaw? (Oo.) Mukha bang mabuti ang bagay na ito para sa inyo? Sa madaling salita, para sa Akin, hindi ito maganda. Pakiramdam Ko na masamang palatandaan ito. Naibigay Ko na sa inyo ang mga katunayan; kayo na ang bahalang magpasya. Wala na Akong sasabihin pa tungkol dito, hindi Ko na uulitin ang sinabi Ko, hindi Ko na ito muling babanggitin.
Ang paksang ibinabahagi Ko ngayon ay kung paano tratuhin ang mga salita ng Diyos. Napakahalagang sumunod at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Napakahalagang magawang ipatupad, isakatuparan, at isagawa ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Kahit ngayon, hindi pa rin namin alam kung paano itrato si Cristo.” Napakasimple ng paraan ng pagtrato kay Cristo: Ang saloobin mo kay Cristo ay ang saloobin mo sa Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang saloobin mo sa Diyos ay ang saloobin mo kay Cristo. Siyempre, ang saloobin mo kay Cristo ay ang saloobin mo sa Diyos sa langit. Ang saloobin mo kay Cristo ang pinakatotoo sa lahat—nakikita ito, at ang mismong sinisiyasat ng Diyos. Gustong maunawaan ng mga tao kung paano itatrato ang Diyos sa paraang nais ng Diyos, at simple lamang ito. Mayroong tatlong punto: Ang una ay pagiging sinsero; ang pangalawa ay pagrespeto, matutunan kung paano respetuhin si Cristo; at ang pangatlo—at ito ang pinakamahalagang punto—ay pagsunod sa Kanyang mga salita. Ang pagsunod sa Kanyang mga salita: ang ibig sabihin ba niyan ay makinig gamit ang iyong mga tainga, o gamit ang iba pa? (Gamit ang ating puso.) Mayroon ka bang puso? Kung mayroon kang puso, gamitin ito sa pakikinig. Makakaunawa ka lamang kung makikinig ka gamit ang iyong puso, at maisasagawa mo ang naririnig mo. Napakasimple ng bawat isa sa tatlong puntong ito. Ang literal na kahulugan ng mga ito ay dapat maging madaling maunawaan, at sa lohikal na pananalita, dapat ay madaling isagawa ang mga ito—ngunit kung paano mo isinasagawa ang mga ito, at kung naisasagawa mo nga ba ito, nasa inyo na iyon; hindi na Ako magpapaliwanag pa. Sabi ng ilang tao, “Ordinaryong tao Ka lamang. Bakit kami dapat maging sinsero sa Iyo? Bakit ka namin dapat igalang? Bakit namin dpaat sundin ang iyong mga salita?” Mayroon Akong mga dahilan. Tatlo rin ang mga ito. Makinig nang husto at tingnan kung may katuturan ang sinasabi Ko. Kung mayroon, dapat ninyong tanggapin ito; kung sa pakiramdam ninyo ay wala, hindi ninyo ito kailangang tanggapin, at maaari kang maghanap ng ibang landas. Ang unang dahilan ay simula nang tanggapin mo ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, kinakain, iniinom, tinatamasa, at binabasa mo nang padasal ang bawat salitang sinabi Ko. Pangalawa ay kinikilala mo mismo na isa kang tagasunod ng Makapangyarihang Diyos, na isa ka sa Kanyang mananampalataya. Kaya maaari bang sabihin na kinikilala mong isa kang tagasunod ng ordinaryong laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos? Maaari. Sa kabuuan, ang pangalawa ay kinikilala mo na isa kang alagad ng Makapangyarihang Diyos. Ang pangatlong dahilan ang pinakamahalaga sa lahat: Sa buong sangkatauhan, Ako lamang ang nagtuturing sa inyo bilang mga tao. Mahalaga ba ang puntong ito? (Oo.) Alin sa tatlong puntong ito ang hindi ninyo matanggap? Ano ang masasabi ninyo, hindi ba totoo ang anuman sa mga puntong ito na nabanggit Ko, mayroong kinikilingan, hindi makatotohanan? (Hindi.) Kaya sa kabuuan ay may anim na punto. Hindi Ko na idedetalye ang bawat isa sa mga ito; pagmuni-munihan ninyo nang mag-isa ang mga ito. Napakahaba na ng nasabi Ko tungkol sa mga paksang ito, kaya dapat ay maunawaan na ninyo ang mga ito.
Hulyo 4, 2020