Ikasampung Aytem: Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikatlong Bahagi)
II. Kinamumuhian ang Laman Kung Saan Nagkatawang-tao ang Diyos
Ang paksa ng huling pagbabahagi ay ang ikasampung pagpapamalas ng mga anticristo—kinamumuhian ang katotohanan, hayagang nilalabag ang mga prinsipyo, at binabalewala ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Ang aytem na ito ay higit pang hinati sa tatlong pang seksyon para sa detalyadong pagbabahagi. Ang unang seksyon ay kinamumuhian ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, ang pangalawa ay kinamumuhian ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, at ang pangatlo ay kinamumuhian ang mga salita ng Diyos. Ginagamit ang tatlong seksiyong ito para himayin ang ikasampung aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Naibahagi na ang unang seksyon, at para sa pangalawang seksyon, kinamumuhian ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ito ay hinati-hati sa apat para sa pagbabahagi. Anu-ano ang apat na bahaging ito? (Una, paninipsip, pambobola, at mga salitang masarap pakinggan; pangalawa, pagsisiyasat at pagsusuri, na may kasamang pagkamausisa; pangatlo, depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo; at pang-apat, pakikinig lang sa sinasabi ni Cristo, pero hindi sumusunod o nagpapasakop.) Ang unang dalawang bahagi ay naibahagi na noong nakaraan; sa pagkakataong ito, pagbabahaginan natin ang ikatlong bahagi.
C. Depende sa Kanilang Pakiramdam ang Pagtrato Nila kay Cristo
Ang ikatlong bahagi ay “depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo”; ang simpleng pariralang ito ay nagpapakita ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Sa inyong impresyon, o mula sa inyong nakita at naranasan, hindi ba’t dapat mayroong ilang halimbawa tungkol sa bahaging ito? Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ko pa nakaugnayan si Cristo; nakarinig lang ako ng mga sermon Niya. Wala akong tunay na karanasan sa pagpapamalas na ito, ni hindi ko nakita ang iba na nagpapakita nito sa realidad.” Para sa mga may tunay na karanasan sa bahaging ito, mayroon ba kayong mga damdamin o pang-unawa na tumutugma rito? Wala? Kung gayon, talagang kailangan nating magkaroon ng malalimang pagbabahagi, hindi ba? (Oo.) Sa panlabas, ang bahaging ito ay may kinalaman sa iba’t ibang saloobin at pagpapamalas kapag ang mga tao ay nakikipag-ugnayan kay Cristo. Sa katunayan, mula sa bahaging ito, hindi lamang makikita ng isang tao ang iba’t ibang pagpapamalas at saloobin ng mga tao sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, kundi makikilatis na rin ang mga tunay na saloobin at pagpapamalas ng mga tao sa Diyos sa kanilang pagtrato sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Ibig sabihin, mula rito, malinaw kung ano ang saloobin ng mga tao sa pagtrato sa Diyos Mismo na may pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at kung mayroon man silang may-takot-sa-Diyos na puso, tunay na pananalig, at totoong pagpapasakop. Kapag humaharap sa iba’t ibang sitwasyon, ang mga saloobin ng mga tao kay Cristo ay nagbubunyag ng kanilang mga saloobin sa Diyos na kanilang pinaniniwalaan. Sa pagtrato sa ordinaryong taong ito, kay Cristo, kung mayroon ka mang anumang kuru-kuro, tunay na pananalig, o totoong pagpapasakop ay nagpapahiwatig kung mayroon kang tunay na pananalig at totoong pagpapasakop sa Diyos na iyong pinaniniwalaan, sa Diyos mismo. Sa pagtrato ng mga tao sa Diyos sa langit—ang kanilang mga saloobin, pananaw, at kung ano ang totoong iniisip nila—sila ay malabo, hindi ibinubunyag ang kanilang mga tunay saloobin sa Diyos. Gayumpaman, kapag talagang nakatagpo ng mga tao ang Diyos at nakita ang nahahawakan, dugo-at-lamang katawan kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang kanilang mga tunay na saloobin sa Diyos ay ganap na nabubunyag. Ang mga salitang sinasabi ng mga tao, ang kanilang mga iniisip, ang mga pananaw na itinatatag at pinanghahawakan nila sa kanilang puso, at maging ang kanilang mga iniisip at saloobin kay Cristo sa kanilang puso, sa katunayan, ay iba’t ibang pagpapamalas ng kung paano nila tratuhin ang Diyos. Dahil ang Diyos sa langit ay hindi nakikita at hindi nahahawakan, kung ano ang iniisip ng mga tao sa Kanya, kung paano nila Siya tratuhin, kung paano nila Siya tinutukoy, at kung sila ba ay mapagpasakop, talagang walang pamantayan ang mga tao upang masukat kung ang kanilang mga pagpapamalas ba ay tama o umaayon sa katotohanan. Pero kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao bilang si Cristo, lahat ng ito ay nagbabago: Nagkakaroon ng pamantayan para sukatin ang lahat ng pagpapamalas at saloobin ng mga tao sa Diyos, ginagawa nitong malinaw ang mga totoong saloobin ng mga tao sa Diyos. Madalas, iniisip ng mga tao na mayroon silang malaking pananalig sa Diyos at tunay na pananampalataya, nararamdaman nilang ang Diyos ay dakila, pinakamataas, at kaibig-ibig. Pero repleksyon ba ang mga ito ng kanilang tunay na tayog o isang pakiramdam lamang? Mahirap matukoy. Kapag hindi nakikita ng mga tao ang Diyos, kahit gaano man kabuti ang kanilang intensyon sa pagtrato sa Kanya, ang kanilang pagtrato sa Kanya ay palaging nahahaluan ng kalabuan, kahungkagan, at impraktikalidad, palaging puno ng ilang walang saysay na imahinasyon. Kapag talagang nakita at nakipag-ugnayan ang mga tao sa Diyos, ang lawak ng kanilang pananalig sa Diyos, ang antas ng kanilang pagpapasakop sa Diyos, at kung mayroon ba silang tunay na pagmamahal sa Diyos ay ganap na nabubunyag. Samakatwid, kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao, lalo na kapag Siya ay naging isang tao na napaka-ordinaryo, para sa lahat ng tao, ang laman na ito, ang ordinaryong taong ito, ay nagiging isang pagsubok para sa lahat at nagbubunyag din sa pananalig at tunay na tayog ng bawat tao. Maaaring nagawa mong sumunod sa Diyos noong una mong kinilala ang Kanyang pag-iral, pero nang tinanggap mo ang Diyos na nagkatawang-tao, nang makita mo ang Diyos na naging isang ordinaryong tao, ang iyong isipan ay nagiging puno ng mga kuru-kuro. Sa pagkakataong ito, ang Cristo na iyong sinasampalatayanan—ang ordinaryong taong ito—ay nagiging pinakamalaking hamon para sa iyong pananalig. Kaya, ngayon, pagbahaginan natin ang epekto na mayroon ang ordinaryong taong ito, ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, si Cristo, sa mga tao, at ang mga tunay na pagpapamalas na ipinapakita ng mga tao sa ordinaryong taong ito, kay Cristo, na nagbubunyag sa kanilang iba’t ibang tunay na saloobin at pananaw sa Diyos.
Ang pangunahing nilalaman ng ikatlong bahagi ay na depende sa pakiramdam ng mga tao ang pagtrato nila kay Cristo. Ang mismong tinutukoy ng pakiramdam na ito ay ang sentro, ang pokus ng pagbabahagi natin ngayon. Siyempre, ang pakiramdam na ito ay isang metonimiya lamang, isang pangkalahatang paglalarawan. Hindi ito isang pakiramdam; sa likod nito ay nagkukubli ang iba’t ibang kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao, pati na rin ang lahat ng uri ng kanilang tiwaling disposisyon, maging ang kanilang satanikong kalikasang diwa. Kapag ang isang tao ay hindi nahaharap sa anumang balakid sa paggawa ng kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, walang anumang nakakaapekto sa kanyang pakiramdam, at lahat ay maayos, madalas silang makapagdasal sa harap ng Diyos, at mamuhay ng isang buhay na napakaregular, puno ng kagalakan at kapayapaan. Ang kapaligiran sa palibot nila ay maayos din, karamihan sa mga kapatid ay magkakasundo, madalas silang ginagabayan ng Diyos sa kanilang pagtupad ng mga tungkulin at sa pag-aaral ng ilang teknikal na larangan, nagbibigay ng kaliwanagan at pagtanglaw, at malinaw ang mga prinsipyo ng pagsasagawa—lahat ay napakanormal at maayos. Sa panahong ito, nararamdaman ng mga tao na mayroon silang malaking pananalig sa Diyos, nararamdaman nila sa kanilang puso na malapit na malapit sila sa Diyos, madalas silang makalapit sa Diyos para magdasal at magtapat, nararamdaman nilang malapit ang ugnayan nila sa Diyos, at para sa kanila ay labis na kaibig-ibig ang Diyos. Ang kanilang pakiramdam sa panahong ito ay napakaganda; madalas silang namumuhay sa kapayapaan at kagalakan, aktibong nagsasalita sa mga pagtitipon, at nagagawa nilang magdasal-magbasa ng mga salita ng Diyos at araw-araw na regular na mag-aral ng mga himno. Kapag ang lahat ay maayos, patuloy na nagpapasalamat ang mga tao sa Diyos sa kanilang puso, tahimik silang nagdarasal sa Diyos, at nagpapasya silang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos sa buong buhay nila, ialay ang lahat ng mayroon sila, at tiisin ang mga paghihirap at magbayad ng halaga upang matupad ang kanilang mga tungkulin nang maayos. Pakiramdam nila na ang Diyos ay napakadakila, napakakaibig-ibig, at mayroon silang determinasyon at kagustuhan na ialay ang kanilang sarili sa Diyos, inilalaan ang kanilang buong buhay sa Kanya. Hindi ba’t ang kondisyong ito ay napakamaagap at positibo? Mula rito, tila makikita natin ang katapatan ng mga tao, ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at ang mga sakripisyo na kanilang ginagawa. Lahat ay mukhang napakaganda, mapayapa, at maayos. Mula sa lahat ng pagpapamalas na ito, tila ang mga tao ay aktibong ginagawa ang kanilang bahagi, nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, nang walang anumang hindi kanais-nais. Sa gayon, sa kanilang puso, patuloy silang nagpapasalamat sa Diyos, nagpapasalamat sa Diyos sa langit, at nagpapasalamat kay Cristo sa lupa, puno ng walang hanggang pagmamahal at paggalang kay Cristo. Tuwing kinakanta nila ang mga salita “ang di-mahalagang taong ito” sa mga himno, sila ay labis na naaantig, iniisip nila, “Totoo nga na ang di-mahalagang taong ito ang nagligtas sa akin, ang nagbigay sa akin ng pagkakataong ito, na nagpapahintulot sa akin ngayon na gawin ang aking tungkulin bilang isang nilikha sa sambahayan ng Diyos!” Maging ang ilang tao ay direktang nagdarasal: “O, praktikal na Diyos, Diyos na nagkatawang-tao, Cristo: Pinapasalamatan Kita, pinupuri Kita, sapagkat ibinigay Mo sa akin ang lahat ng pagpapalang ito, biniyayaan Mo ako. Ikaw ang Diyos sa aking puso, Ikaw ang Lumikha, Ikaw ang nais kong sundan. Handa akong igugol ang aking sarili para sa Iyo sa buong buhay ko.” Ang lahat ng eksenang ito ay napakapayapa, napakaganda, at tila napakamatiwasay, na para bang ang maligtas ay napakadali at walang kahirap-hirap. Pero puwede bang magtagal ang katiwasayan at kapayapaang ito magpakailanman? Puwede ba itong manatiling hindi nagbabago? Hindi ito ganoon kasimple.
1. Ang Kanilang Pag-uugali Kapag Naharap Sila sa Pagpupungos
Sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, hindi maiiwasan na mabunyag ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, na magreklamo sa mga sitwasyong kanilang kinahaharap, na magkaroon ng mga sariling pananaw, at higit pa ay ang gawin ang mga bagay nang padalus-dalos at pabigla-bigla. Sa gayong mga sitwasyon, hindi maiiwasan na harapin ng mga tao ang pagpupungos. Kapag nahaharap sa pagpupungos, ang isang tao bang puno ng kasigasigan, na puno ng mga imahinasyon at kuru-kuro tungkol sa Diyos, ay talagang may tayog na harapin ang lahat ng ito, na tunay na maranasan ang lahat ng ito, at mapagtagumpayan ang gayong mga sitwasyon? Nagbubunga ito ng isang katanungan, at naririto ang problema. Kapag nararamdaman ng mga tao na ang lahat ay napakaganda, kapag nararamdaman nila na ang Diyos ay napakakaibig-ibig, na mahal na mahal ng Diyos ang mga tao, na ang Kanyang pagmamahal ay napakadakila at napakatotoo, at pagkatapos ay nahaharap sila sa pagpupungos, sa pagbubunyag, ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay madalas na naguguluhan at nalilito, natatakot at nangangamba. Bigla nilang nararamdaman na para silang nalugmok sa kadiliman, na hindi magawang makita ang landas sa harapan, na hindi alam kung paano haharapin ang kasalukuyang sitwasyon. Kapag lumalapit sila sa Diyos, hinahanap nila ang parehong mga damdaming mayroon sila noon, nagdarasal nang may parehong pakiramdam, mga kaisipan, pananaw, at saloobin tulad ng dati. Pero sa tingin nila ay hindi nila maramdaman ang Diyos. Kapag sa tingin nila ay hindi nila maramdaman ang Diyos, nagsisimula silang mag-isip: “Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Itinataboy na ba ako ng Diyos? Maaari kayang dahil sa aking tiwaling disposisyon ay ayaw na sa akin ng Diyos? Ititiwalag na ba ako ng Diyos? Kung ganoon, hindi ba’t katapusan ko na? Ano pa ang silbi ng aking pag-iral ngayon? Ano pa ang silbi ng pananampalataya sa Diyos? Mabuti pa ay huwag na akong manampalataya. Kung hindi ako manampalataya, baka may magandang trabaho na ako ngayon, isang matiwasay na pamilya, isang magandang kinabukasan! Hanggang ngayon ay walang naidulot na kahit ano sa akin ang pananampalataya sa Diyos, pero kung talagang titigil ako sa pananampalataya, hindi ba’t mangangahulugan iyon na masasayang ang lahat ng pagsisikap ko dati, na walang saysay ang lahat ng aking naging sakripisyo at paggugol?” Sa mga pagninilay na ito, bigla silang nakakaramdam ng kalungkutan at pagkaasiwa sa kanilang buong katawan, iniisip nila, “Ang Diyos sa langit ay napakalayo, at itong Diyos sa lupa, bukod sa pakikipagbahaginan at pagbibigay ng katotohanan, ano pa ba ang maitutulong Niya sa akin? Ano pa ba ang maibibigay Niya sa akin? Parang napakawalang halaga Niya, at sobrang walang konsiderasyon. Ano bang masama sa pagkakaroon ng kaunting tiwaling disposisyon? Kung pinangasiwaan ito sa paraan ng tao, palalampasin ng Diyos ang pagkakaroon ng mga tao ng kaunting tiwaling disposisyon; pangangasiwaan Niya ito nang may pagpapasensiya at hindi Niya pagtutuunan ng pansin ang maliliit na pagkakamali ng mga tao. Bakit ako pinupungusan at dinidisiplina ng Diyos nang ganito, at binabalewala pa nga Niya ako, dahil lang sa maliit na bagay na ito? Hindi malaking usapin na magbunyag ng gayong tiwaling disposisyon sa ganitong uri ng sitwasyon, pero talagang kinamumuhian ako ng Diyos. Mahal ba talaga Niya ang mga tao o hindi? Saan nabubunyag ang Kanyang pagmamahal? Paano Niya mismo minamahal ang mga tao? Ano’t anuman, sa sandaling ito, hindi ko na maramdaman ang pagmamahal ng Diyos.” Kapag hindi nila maramdaman ang pagmamahal ng Diyos, nararamdaman nila kaagad na napakalayo nila sa Diyos sa langit, at mas malayo pa sa Cristong ito sa lupa, sa ordinaryong taong ito. Kapag nararamdaman nila ang kalungkutan sa kanilang puso, paulit-ulit silang nagdarasal, at paulit-ulit na inaalo ang kanilang sarili, “Huwag kang matakot, ilagay mo ang iyong pag-asa sa Diyos sa langit. Ang Diyos ang aking kalasag, ang Diyos ang aking lakas, mahal pa rin ng Diyos ang mga tao.” Sa sandaling ito, nasaan ang Diyos na sinasabi nila? Sa langit, sa lahat ng bagay, ang Diyos na iyon ang tunay na nagmamahal sa mga tao, ang Diyos na tinitingala at sinasamba ng mga tao, na maaaring maging kanilang kalasag, ang tutulong sa kanila sa lahat ng oras, at maaaring umalo sa kanilang puso. Siya ang sandigan ng kanilang espiritu, puso, at laman. Pero batay sa kung ano ang kayang gawin ng Diyos na ito na nasa lupa, wala na ngayong anumang sandigan sa puso ng mga tao. Nagbabago ang saloobin nila. Sa anong sitwasyon ito nagbabago? Kapag naharap sila sa pagpupungos at pagbubunyag, at nakakaranas sila ng mga dagok, nabubunyag ang kanilang tunay na pananalig.
Kapag naharap ang mga tao sa pagpupungos, ang kanilang diumano’y tunay na pananalig ay agad naghahanap ng sandigan sa malabong Diyos sa langit. Pagdating naman sa nakikitang Diyos sa lupa, ano ang saloobin nila? Ang unang reaksyon ng mga tao ay ang tumanggi at bumitaw, ang hindi na umasa o manalig, kundi umiwas sa Kanya, magtago at lumayo sa Kanya. Ganito ang uri ng pakiramdam na mayroon ang mga tao. Kapag naharap ang mga tao sa pagpupungos, ang katotohanang nauunawaan ng mga tao, ang kanilang diumano’y totoong pananalig, pagkamatapat, pagmamahal, at pagpapasakop, ay nagiging napakarupok. Kapag nagbabago ang lahat ng kalagayang ito, nagbabago rin ang kanilang saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang kanilang mga dating sakripisyo—ang kanilang diumano’y katapatan, paggugol, at ang halaga na kanilang ibinayad, pati na ang kanilang diumano’y pagpapasakop—ay nabubunyag sa sandaling ito hindi bilang anumang uri ng pagkamatapat o totoong pagpapasakop, kundi kasigasigan lamang. At ano ang nakahalo sa kasigasigang ito? Ito ay nahahaluan ng mga damdamin ng tao, kabutihan ng tao, at pagsuporta ng tao. Ang pagsuportang ito ay maaari ding maunawaan bilang pagkamainitin ng ulo, gaya ng, “Kung susunod ako sa isang tao, dapat akong magpakita ng totoong pagsuporta sa kapatid, maging handang ialay ang aking buhay para sa kanya, igugol ang aking sarili, humarap sa panganib para sa kanya, ialay ang lahat para sa kanya,” na isang pagpapamalas ng pagkamainitin ng ulo ng tao. Ang gayong mga pagpapamalas ng tao ay nabubunyag sa sandaling ito. Bakit nabubunyag ang mga ito? Ito ay dahil, sa mga isipan at pananaw ng mga tao, tila tinanggap na nila na ang ordinaryong taong ito ay ang Diyos na nagkatawang-tao, si Cristo, ang Diyos, at Siya ay nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos—pero kung titingnan ang kanilang aktuwal na tayog, ang katotohanang kanilang nauunawaan, at ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos, hindi talaga nila tinanggap ang ordinaryong taong ito, ni itinuring ang ordinaryong taong ito bilang si Cristo, bilang Diyos. Kapag maayos ang lahat, kapag ang lahat ay ayon sa kanilang kagustuhan, kapag nararamdaman ng mga tao na pinagpapala, tinatatanglawan, ginagabayan, at binibiyayaan sila ng Diyos, at kapag ang kanilang natatanggap mula sa Diyos ay naaayon sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kaya nilang tanggapin nang subhetibo ang ordinaryong taong pinatotohanan ng Diyos bilang Diyos ng tao. Gayumpaman, kapag nagbago ang lahat ng kalagayang ito, kapag inalis ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, at kapag ang mga tao ay walang totoong pagkaunawa at wala silang tootong tayog, nabubunyag ang lahat ng tungkol sa kanila, at ang kanilang nabubunyag ay ang kanilang mismong totoong saloobin sa Diyos. Paano lumilitaw ang totoong saloobin na ito? Saan ito nagmumula? Nagmumula ito sa tiwaling disposisyon ng mga tao at sa kanilang kawalan ng kaalaman tungkol sa Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Ano ang tiwaling disposisyong ito sa mga tao? (Matapos nagawang tiwali ni Satanas, sa loob ay nag-iingat na ang mga tao laban sa Diyos at bumubuo sila ng isang hadlang laban sa Kanya. Anuman ang ginagawa ng Diyos, palagi nilang iniisip, “Sasaktan ba ako ng Diyos?”) Ang ugnayan ba sa pagitan ng mga tao at ng Diyos ay simpleng usapin lamang ng pagkakaroon ng hadlang? Ganoon ba ito kasimple? Hindi lamang ito usapin ng pagkakaroon ng hadlang; ito ay problema ng dalawang magkaibang diwa. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon—may tiwaling disposisyon ba ang Diyos? (Wala.) Kung gayon, bakit mayroong salungatan sa pagitan ng mga tao at ng Diyos, bakit laban ang mga tao sa Diyos? Nasaan ang dahilan nito? Nasa Diyos ba o nasa mga tao? (Nasa mga tao.) Halimbawa, kung may pagtatalo ang dalawang tao at tumigil sila sa pakikipag-usap sa isa’t isa, kahit na magsalita sila, ito ay magiging paimbabaw lamang, nang may hadlang na nabuo sa kanilang puso. Paano nabubuo ang hadlang na ito? Ito ay lumilitaw dahil mayroon silang magkaibang pananaw na hindi magkatugma, at walang handang bumitiw sa kanilang pananaw, na humahadlang sa pagkakaisa. Ganito nabubuo ang mga hadlang sa pagitan ng mga tao. Pero kung ilalarawan natin ang relasyon ng mga tao at ng Diyos bilang simpleng pagkakaroon ng hadlang, hindi ba’t masyado itong mababaw, hindi natutumbok ang punto? Totoong may hadlang, pero kung gagamitin lang natin ang salitang “hadlang” para ipaliwanag ang problema ng tiwaling disposisyon ng mga tao, iyon ay masyadong magaan. Ito ay dahil matapos nagawang tiwali ni Satanas, ang mga tao ay may satanikong tiwaling disposisyon at diwa, at ang kanilang likas na kalikasan ay laban sa Diyos. Si Satanas ay laban sa Diyos. Itinuturing ba nito ang Diyos bilang Diyos? May pananalig ba ito o pagpapasakop sa Diyos? Wala itong tunay na pananalig ni tunay na pagpapasakop—ganito si Satanas. Ang mga tao ay katulad ni Satanas; taglay nila ang tiwaling disposisyon at diwa ni Satanas, at wala rin silang totoong pananalig at pagpapasakop sa Diyos. Kaya, puwede ba nating sabihin na may hadlang sa pagitan ng mga tao at ng Diyos dahil sa kawalan ng totoong pananalig at pagpapasakop? (Hindi.) Ito ay nagpapahiwatig lamang na ang mga tao ay laban sa Diyos. Kapag ang ginagawa ng Diyos ay naaayon sa mga kagustuhan, pakiramdam, at pangangailangan ng mga tao, kapag natutugunan ang kanilang mga kagustuhan, at ang lahat ay nagiging maayos para sa kanila at ayon sa kanilang kagustuhan, nararamdaman ng mga tao na ang Diyos ay napakakaibig-ibig. Pero ang pakiramdam ba na ito ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa gayong mga pagkakataon ay tunay? (Hindi.) Ito ay pagsasamantala lamang ng mga tao, nag-aalay ng ilang magandang salita bilang kapalit; ito ay kilala bilang pag-aani ng mga benepisyo at pagkatapos ay pagkukunwaring mabait. Sa gayong mga sitwasyon, ang mga salitang sinasabi ba ng mga tao ay nagpapakita ng totoong kaalaman sa Diyos? Ang kaalaman bang ito sa Diyos ay tunay o peke? (Peke.) Ang kaalamang ito ay hindi naaayon sa katotohanan, ni sa diwa ng Diyos. Hindi ito isang tunay na kaalaman kundi isang imahinasyon, isang kuru-kurong nagmumula sa mga damdamin at pagkamainitin ng ulo ng tao. Kapag ang kuro-kurong ito ay nabasag, nalantad, at nabunyag, nadidismaya ang mga tao; ito ay nagpapahiwatig na lahat ng kanilang nais makamit ay kinuha na. Hindi ba’t ang dating pananaw ng mga tao na kaibig-ibig at mabuti ang Diyos sa iba’t ibang paraan ay napuna at nakondena na? Ito ay eksaktong kabaligtaran ng kanilang pinaniniwalaan noon. Kaya bang tanggapin ng mga tao ang katunayang ito? (Hindi.) Kapag walang ibinibigay ang Diyos sa iyo, tinutulutan ka lamang Niyang mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, magsalita at kumilos, gawin ang iyong tungkulin, maglingkod sa Diyos, makisama sa iba, at iba pa, nang pawang ayon sa Kanyang mga salita. Kapag talagang namumuhay ka ayon sa Kanyang mga salita, at nararamdaman mo ang masinsinang pagkalinga ng Diyos at kaya mong tunay na magmahal at magpasakop sa Diyos, kung gayon, ang mga dumi sa iyo ay mas kaunti, at ang pagiging kaibig-ibig at diwa ng Diyos na iyong nararamdaman ay tunay.
Kapag nahaharap ang mga tao sa pagdidisiplina at pagpupungos, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro, reklamo, at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Kapag lumilitaw ang mga ito, biglang nararamdaman ng mga tao na walang konsiderasyon ang Diyos, na parang hindi Siya kasingkaibig-ibig gaya ng inaakala nila: “Sinasabi ng lahat na kaibig-ibig ang Diyos, pero bakit hindi ko ito maramdaman? Kung talagang kaibig-ibig ang Diyos, dapat Niya akong pagpalain at aluin. Kapag magkakamali na ako, dapat Niya akong bigyan ng babala sa halip na hayaan akong mapahiya o magkamali; dapat Niyang gawin ang mga ito bago ako magkamali, na pinipigilan akong magkamali o tumahak sa maling landas!” Umuusbong ang mga gayong kuru-kuro at pag-iisip sa isipan ng mga tao kapag nahaharap sila sa mga pagsubok. Sa panahong ito, nagiging mas hindi tapat ang paraan ng pagsasalita at pagkilos ng mga tao. Kapag nahaharap ang mga tao sa pagpupungos, kapag nahaharap sila sa mga pagsubok, lumalala ang kanilang pakiramdam; nagsisimula nilang maramdaman na hindi sila gaanong mahal ng Diyos o hindi sila tinatrato nang mas mabuti, na hindi sila masyadong pinapaboran. Iniisip nila: “Kung hindi ako mahal ng Diyos, bakit ko Siya dapat mahalin? Hindi ko rin mamahalin ang Diyos.” Dati, sa kanilang mga pakikipag-usap sa Diyos, anuman ang tinatanong ng Diyos, sumasagot sila; napakaaktibo nila. Palagi nilang gustong magbahagi ng higit pa, hindi sila kailanman nauubusan ng sasabihin, nais nilang ipahayag at iparating ang lahat ng nasa kanilang puso, naghahangad silang maging pinagkakatiwalaan ng Diyos. Pero kapag nahaharap sila sa pagpupungos, nararamdaman nila na hindi na masyadong kaibig-ibig ang Diyos, na hindi sila gaanong mahal ng Diyos, at ayaw na rin nilang mahalin ang Diyos. Kapag may tinatanong ang Diyos, sumasagot lang sila nang maiksi at pabasta-basta, paisa-isang salita lang ang tugon nila. Kapag tinatanong ng Diyos, “Kumusta ang pagtupad mo sa iyong mga tungkulin nitong mga nakaraang araw?” sumasagot sila, “Ayos lang.” “Mayroon ka bang mga suliranin?” “Minsan.” “Kaya mo bang makipagtulungan nang matiwasay sa mga kapatid?” Sa kanilang isipan, iniisip nila, “Hmp, ni hindi ko nga maalagaan ang sarili ko, paano pa ako makikipagtulungan nang matiwasay sa iba?” “Mayroon ka bang kahinaan?” “Ayos lang ako.” Ayaw na nilang magsalita pa, nagpapakita ng ganap na negatibo, reklamador na saloobin. Pinanghihinaan ng loob at nanlulumo ang kanilang buong pagkatao, puno ng mga hinaing at pakiramdam ng pagkaagrabyado, ayaw magsalita nang higit pa kaysa sa kailangan. Bakit ganito? Dahil hindi maganda ang kanilang pakiramdam ngayon, medyo malungkot ang kanilang kalagayan, at wala silang gana na makipag-usap kaninuman. Kapag tinanong sila, “Nakapagdasal ka ba kamakailan?” sumasagot sila, “Ganoon pa rin naman ang mga dasal ko.” “Ang iyong kalagayan ay hindi maganda kamakailan; hinahanap mo ba ang katotohanan kapag nahaharap sa mga suliranin?” “Nauunawaan ko ang lahat, hindi ko lang kayang maging maagap.” “Nagkaroon ka ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Nakikita mo ba kung nasaan ang problema mo? Anong mga tiwaling disposisyon ang pumipigil sa iyo na lumapit sa Diyos? Anong nagsasanhi sa iyong maging napakanegatibo na hindi mo man lang gustong lumapit sa Diyos para magdasal?” “Hindi ko alam.” Anong klaseng saloobin ito? (Negatibo at nakikipaghidwaan.) Tama, walang bahid ng pagpapasakop, kundi puno sila ng mga pagrereklamo at hinaing. Sa kanilang espirituwal at mental na mundo, nakikita nila ang diyos na katulad ng larawan ng isang Buddha o Bodhisattva na nilalarawan ng mga tao. Anuman ang gawin ng mga tao o kung paano sila namumuhay, hindi kailanman nagsasalita ang mga Buddha o Bodhisattva na iyon, nagpapasakop lamang ang mga ito sa mga manipulasyon ng mga tao. Naniniwala sila na hindi sila dapat pungusan ng diyos, at lalong hindi sila dapat pinsalain; anumang mali ang kanilang gawin, dapat na aluin lang sila ng diyos, hindi pungusan, ilantad, o ibunyag, at lalong hindi sila dapat disiplinahin. Gusto nilang manalig sa Diyos at gawin ang kanilang tungkulin ayon sa kanilang mga sariling pakiramdam at disposisyon, ginagawa ang gusto nila, inaakalang anuman ang gawin nila, dapat masiyahan, magalak, at tumanggap ang Diyos. Gayumpaman, ang mga bagay ay hindi nangyayari ayon sa hinihiling nila; hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Pagkatapos ay iniisip ng mga tao, “Kung hindi siya kumikilos ayon sa aking inaakala, diyos pa rin ba siya? Karapat-dapat pa rin ba siya sa aking pamumuhunan, paggugol, at pagsasakripisyo? Kung hindi, magiging kahangalan ang pag-aalay ng aking sinserong puso, hindi ba?” Kaya, kapag dumating na ang oras para sa pagpupungos, ang unang tugon ng mga tao, mula sa pananaw ng isang nilikha, ay hindi makinig sa sinasabi ng Diyos o sa Kanyang mga hinihingi, ni sa mga problema, kalagayan, o disposisyon ng tao na inilalantad ng Diyos, ni kung paano dapat tanggapin o ituring ang mga bagay na ito, o magpasakop dito. Wala sa isip ng tao ang gayong mga bagay. Gaano man magsalita ang Diyos sa mga tao o paano man Niya sila ginagabayan, kung ang Kanyang tono o paraan ng pagsasalita ay walang pagsasaalang-alang—kung hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga pakiramdam, pagpapahalaga sa sarili, at kahinaan—nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga tao, at ayaw nilang ituring ang Diyos bilang Diyos, ni ayaw nilang maging mga nilikha. Ang pinakamalaking problema rito ay na kapag naghahatid ang Diyos ng masasayang sandali, binibigyang-daan ang lahat ng bagay na umayon sa kagustuhan ng mga tao, nagiging handa silang kumilos bilang mga nilikha, ngunit kapag nagbigay ng paghihirap ang Diyos upang disiplinahin at ibunyag ang mga tao, upang matuto sila ng leksyon, at hayaan silang maunawaan ang katotohanan at malaman ang Kanyang layunin—sa ganitong mga pagkakataon, tinatalikuran Siya kaagad ng mga tao at ayaw na nilang maging mga nilikha. Kapag ayaw nang maging nilikha ng isang tao, kung gayon, mula sa pananaw na iyon at sa posisyong iyon, magagawa ba nilang magpasakop sa Diyos? Magagawa ba nilang tanggapin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos? Hindi nila iyon magagawa. Kapag ang masasaya, mabubuting kalagayan, at masisiglang panahon—ang mga panahong iyon kung kailan gusto ng mga tao na maging katapatang-loob ang Diyos—ay naging mga panahon kung kailan gusto ng mga tao na talikuran Siya sa harap ng pagpupungos, sa mga sitwasyong inilatag ng Diyos, napakalaking pagbabago nito! Ano ba talaga ang totoo tungkol sa bagay na ito? Ano ang dapat malaman ng mga tao? Hindi ba dapat malaman ng isang tao kung anong uri ng saloobin ang dapat niyang taglayin para sa Diyos bilang isang nilikha? Anong mga prinsipyo ang kailangang masunod? Bilang isang tao—isang tiwaling nilikha—anong pananaw ang dapat taglayin at anong posisyon ang dapat kalagyan ng tao para sa lahat ng bagay na ibinibigay ng Diyos sa tao at sa mga sitwasyong isinasaayos Niya? Ano ang dapat maging saloobin ng mga tao sa pagpupungos ng Diyos sa kanila? Hindi ba dapat pagnilayan ng mga tao ang gayong mga bagay? (Oo.) Dapat pagnilay-nilayan at pagbulay-bulayan ng mga tao ang tungkol sa ganitong mga bagay. Kailan man at paano man tinatrato ng isang tao ang Diyos, ang identidad ng tao, sa katunayan, ay hindi nagbabago; ang mga tao ay mamamalaging mga nilikha. Kung hindi mo matanggap ang iyong katayuan bilang isang nilikha, nangangahulugan iyan na suwail ka at malayong baguhin mo ang iyong disposisyon, malayong magkaroon ka ng takot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Kung lubos mo namang tanggap ang iyong lugar bilang isang nilikha, anong uri ng saloobin ang dapat mong taglayin para sa Diyos? (Pagpapasakop nang walang kondisyon.) Kahit papaano, dapat mong taglayin ang bagay na ito: ganap na pagpapasakop. Ang ibig sabihin niyan, sa anumang oras, ang ginagawa ng Diyos ay hindi kailanman mali, ang mga tao lang ang nagkakamali. Anumang sitwasyon ang sumulpot—lalo na sa harap ng paghihirap, at lalo na kapag ibinubunyag at inilalantad ng Diyos ang mga tao—ang unang dapat gawin ng tao ay humarap sa Diyos upang pagnilayan ang kanyang sarili, suriin ang kanyang mga salita at gawa at ang kanyang tiwaling disposisyon, sa halip na suriin, aralin, at husgahan kung tama ba o mali ang mga salita at kilos ng Diyos. Kung mananatili ka sa tama mong posisyon, dapat mo mismong malaman kung ano talaga ang dapat na ginagawa mo. Ang mga tao ay may tiwaling disposisyon at hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi ito isang malaking problema. Ngunit kapag may tiwaling disposisyon ang mga tao at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, subalit hindi pa rin nila hinahanap ang katotohanan—mayroon na sila ngayong malaking problema. Mayroon kang tiwaling disposisyon at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at maaari mong mahusgahan ang Diyos nang wala sa katwiran, maaaring lumapit at makipag-ugnayan ka pa rin sa Kanya ayon sa dikta ng iyong kalooban, mga kagustuhan, at emosyon. Ngunit kung hindi mo hinahanap at isinasagawa ang katotohanan, hindi magiging gayon kadali ang mga bagay-bagay. Hindi lamang na hindi mo magagawang magpasakop sa Diyos, kundi maaaring maging mali rin ang pagkaunawa mo at magreklamo ka tungkol sa Kanya, kondenahin mo Siya, salungatin Siya, at kagalitan at tanggihan pa Siya sa puso mo, na sinasabing hindi Siya matuwid, na hindi lahat ng ginagawa Niya ay talagang tama. Hindi ba mapanganib na maaari mong maisip ang gayong mga bagay? (Oo.) Lubhang mapanganib ito. Ang hindi paghahanap sa katotohanan ay maaaring mangahulugan ng kanilang buhay! At maaari itong mangyari anumang oras at saanmang lugar. Gaano man kasaya ang iyong mga emosyon, adhikain, hangarin, o minimithi sa ngayon, at gaano mo man kamahal nang taos-puso ang Diyos sa sandaling ito, lahat ng ito ay pansamantala lamang. Parang kapag nagkakasal ang isang pastor at tinatanong niya ang parehong partido, “Tinatanggap mo ba siya bilang iyong asawa? Sa sakit at sa kalusugan, sa sakuna, sa kahirapan, at iba pa, handa ka bang makasama siya sa buong buhay mo?” Ang parehong partido, nang may luha sa kanilang mga mata at puso na puno ng emosyon, ay nangangakong iaalay ang kanilang buhay sa isa’t isa at inaako ang panghabambuhay na responsabilidad para sa isa’t isa. Ano ang mga taimtim na pangakong ito sa sandaling iyon? Mga panandaliang emosyon at kagustuhan lamang ng mga tao ang mga ito. Pero talaga bang taglay ng parehong partido ang gayong integridad? Talaga bang taglay nila ang gayong pagkatao? Walang nakakaalam; mabubunyag ang katotohanan sa loob ng sampu, dalawampu, o tatlumpung taon. Nagdidiborsyo ang ilang mag-asawa pagkatapos ng tatlo hanggang limang taon, ang iba ay pagkatapos ng sampung taon, at ang iba pa, pagkatapos ng tatlumpung taon, ay basta-basta na lamang naghihiwalay. Saan na napunta ang kanilang mga naunang kahilingan? Ano ang nangyari sa kanilang mga taimtim na pangako? Matagal nang itinapon ang mga ito sa malayong ibayo. Ano ang papel ng mga taimtim na pangakong ito? Wala; mga kahilingan lamang ang mga ito, mga panandaliang emosyon—hindi nagtatakda ng anuman ang mga emosyon at kahilingan. Ano ang hinihingi para tunay na magsama nang habambuhay ang mag-asawa, para magkasamang tumanda? Sa ideyal na pagsasalita, sa pinakamababa, ang bawat isa ay kailangang magkaroon ng integridad at matuwid na karakter. Sa mas kongkretong pagsasalita, sa kanilang buhay, marami silang bagay na makakaharap—malalaki at maliliit, magaganda at hindi magaganda, mga paghihirap, mga kabiguan, mga suliranin, karamihan sa mga bagay na ito ay hindi ayon sa ninanais. Hinihingi nito sa parehong partido na magkaroon ng tunay na pagpaparaya, pagpapasensya, pagmamahal, konsiderasyon, malasakit, at iba pang positibong bagay sa pagkatao para suportahan ang isa’t isa hanggang sa dulo ng daan. Kung wala ang mga katangiang ito, at umaasa lamang sila sa mga pangako at sa mga mithiin, kahilingan, at pantasya noong ikasal sila, tiyak na hindi sila makararating sa dulo. Ganito rin pagdating sa pananalig sa Diyos; kung hindi hinahanap ng isang tao ang katotohanan bagkus ay umaasa lamang siya sa kaunting sigasig at kahilingan, tiyak na hindi siya makakapanindigan at siguradong hindi niya magagawang sundan ang Diyos hanggang sa wakas.
Paano magagawang manalig at sumunod ng isang tao sa Diyos nang hindi umaasa sa kanyang pakiramdam at nang hindi naiimpluwensiyahan ng kanyang pakiramdam o kapaligiran? Paano ito maisasakatuparan ng isang tao? Ano ang pinakamababang hinihingi para sa pananalig sa Diyos? Hinihingi nito ang pagkakaroon ng saloobin ng pagmamahal sa katotohanan at paghahanap sa katotohanan. Nagtatanong ang ilang tao, “Mahalaga ba ang pagkakaroon ng kapasyahan at pangangako?” Ang mga ito ay kailangang-kailangan ngunit nakadepende sa yugto ng pananalig. Kung ang isang tao ay nasa una o pangalawang taon ng pananalig, kung wala ang mga ito, ang kanilang sigasig ay hindi mag-aalab. Kung walang sigasig, ang isang tao na nagsisimula pa lamang manalig sa Diyos ay maaaring maging malamlam, hindi masyadong masikap sa kanyang paghahangad, hindi rin umaatras, ginagawa lang ang anumang hinihiling sa kanya. Nahihirapang umusad ang gayong tao, at wala siyang malinaw na saloobin. Samakatwid, kailangan ng mga bagong mananampalataya ang ganitong sigasig. Maaaring magdala ng maraming positibong bagay sa isang tao ang ganitong sigasig, na nagbibigay-daan sa kanya na mabilis na maunawaan ang katotohanan, ang pangitain, at ang layon ng gawain ng Diyos, at mabilis na maglatag ng pundasyon. Bukod pa rito, kapag ginugugol ng mga tao ang kanilang sarili at aktibo at masigasig silang nagbabayad ng halaga, mas mabilis silang pumapasok sa katotohanang realidad. Sa simula, kailangan ng isang tao ang sigasig na ito at dapat magkaroon siya ng kapasyahan at mga mithiin. Gayumpaman, kung pagkatapos ng mahigit tatlong taon ng pananalig sa Diyos, nananatili pa rin ang isang tao sa yugto ng kasigasigan, maaaring mayroong panganib. Nasaaan ang panganib na ito? Palaging tinatrato ng mga tao batay sa kanilang mga imahinasyon at kuru-kuro ang kanilang pananalig sa Diyos at ang mga usapin ng pagbabago sa disposisyon. Batay sa kanilang mga imahinasyon at mga kuru-kuro ay sinusubukan nilang makilala ang Diyos at magkamit ng pagkaunawa sa Kanyang gawain at sa Kanyang mga hinihingi sa mga tao. Makakapasok ba ang gayong mga tao sa katotohanang realidad o mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi maunawaan ng isang tao ang katotohanan, lumilitaw ang mga problema. Mayroon bang sinumang nananalig sa Diyos at buong buhay na namumuhay sa isang marangyang kapaligiran, na palaging may mga biyaya at pagpapala? Wala, sa malao’t madali, kailangang humarap ng lahat sa tunay na buhay at sa iba’t ibang kapaligirang inihanda ng Diyos para sa kanila. Kapag nahaharap ka sa iba’t ibang kapaligirang ito at sa iba’t ibang isyu sa tunay na buhay, ano ang maaaring maging papel ng iyong kasigasigan? Maaari ka lang nitong himuking kontrolin ang iyong sarili, magbayad ng halaga, magdusa, pero hindi ka nito maaakay na maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos. Gayumpaman, kung hahanapin mo ang katotohanan at mauunawaan ang katotohanan, iba ito. Paano ito naiiba? Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nahaharap ka sa mga sitwasyong ito, hindi mo na tinatrato ang mga ito batay sa iyong sigasig o mga kuru-kuro. Tuwing nahaharap ka sa anumang bagay, dapat ka munang lumapit sa Diyos para maghanap at manalangin, para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos ay puwede ka nang maging mapagpasakop, nang may ganitong kamalayan at saloobin. Ang saloobin at kamalayang ito ay napakahalaga. Maaaring mangyari na sa isang partikular na pagsubok, wala kang nakakamit, hindi mo lubos na napapasok ang katotohanan, at hindi mo nauunawaan kung ano talaga ang katotohanang realidad. Gayumpaman, sa panahon ng pagsubok na ito, ang pagkakaroon ng gayong mapagpasakop na kamalayan at saloobin ay nagbibigay-daan sa iyo na tunay na maranasan kung paano dapat kumilos ang mga tao bilang mga nilikha at kung ano ang dapat nilang gawin para maging pinakanormal at pinakamaayos sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi mo nauunawaan ang layunin ng Diyos o hindi mo alam kung ano ba mismo ang nais ng Diyos na matamo o makamit mo sa gayong kapaligiran, nararamdaman mo na kaya mong magpasakop sa Diyos at sa mga gayong kalagayan. Mula sa kaibuturan ng iyong puso, kaya mong tanggapin ang kapaligirang inihanda ng Diyos para sa iyo. Nararamdaman mong napanatili mo ang iyong tamang lugar bilang isang nilikha, hindi naghihimagsik o sumasalungat sa Diyos, at ang iyong puso ay nakakaramdam ng kapanatagan. Habang nakakaramdam ka ng kapanatagan, ang iyong pagtitiwala sa Diyos sa langit ay hindi malabo, at hindi mo nararamdamang malayo ka o na tinatanggihan mo ang Diyos na nasa sa lupa. Sa halip, mula sa kaibuturan ng iyong puso, mas may kaunti pang takot at mas may kaunti pang pagiging malapit din. Tingnan mo ito, ang pagkakaiba sa pagitan ng isang taong naghahanap sa katotohanan at kayang magpasakop, at ng isang taong umaasa sa kasigasigan at mayroon lamang kaunting kapasyahan—malaki ba ang pagkakaiba? Napakalaki ng pagkakaiba. Kapag nahaharap sa mga sitwasyon ang isang taong umaasa sa kasigasigan at may kapasyahan lang, ito ay tututol, makikipagtalo, magrereklamo, at makakaramdam ng pagkaagrabyado. Maaaring isipin niya, “Bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Bata pa ako, bakit hindi ako aluin ng Diyos? Bakit hindi binibilang ng Diyos ang aking mga nakamit dati? Bakit ako pinaparusahan sa halip na gantimpalaan? Napakabata ko pa, ano ba ang alam ko? Kahit ang mga magulang ko sa bahay namin ay hindi ako kailanman tinatrato nang ganito; pinapahalagahan nila ako bilang kanilang espesyal na anak, ang kanilang munting sanggol. Ngayon na lumaki na ako matapos pumunta sa sambahayan ng Diyos, tila masyadong walang konsiderasyon na tratuhin ako ng Diyos nang ganito!” Ganito ang mga uri ng maling pangangatwiran na kanilang ginagawa. Paano lumilitaw ang mga gayong maling pangangatwiran? Kung ang isang tao ay naghahanap at nakakaunawa sa katotohanan, maaari pa rin ba siyang magkaroon ng mga gayong maling pangangatwiran? Kung nauunawaan at nalalaman ng isang tao ang mga katotohanang ito habang karaniwang ginagawa ang kanyang tungkulin, maaari pa rin ba siyang magkimkim ng mga gayong reklamo at pagkayamot kapag nahaharap sa mga sitwasyon? (Hindi.) Siguradong hindi siya magsasalita nang ganito. Sa halip, makikita niya ang kanyang sarili bilang isang ordinaryong nilikha at lalapit siya sa Diyos, na hindi alintana ang edad, kasarian, o kalagayan at katayuan, nagpapasakop at nakikinig lang siya sa mga salita ng Diyos. Kapag nagagawa ng mga tao na makinig sa mga salitang sinasabi ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, may pagpapasakop sila sa kanilang puso. Kapag nagagawa ng isang tao na mulat na magpasakop, kapag mayroon siyang saloobin ng pagpapasakop, tunay siyang tumatayo sa posisyon ng isang nilikha, na mayroon pagmamahal, pagpapasakop, at takot sa Diyos, na hindi umaasa sa kanyang mga pakiramdam o emosyon. Ito ang ilang reaksyon kapag ang mga tao ay nahaharap sa pagpupungos. Ano ang mga pangunahing reaksyon? Masama ang loob nila, naiinis sila, pakiramdam nila ay naagrabyado sila, at na kailangan nilang maalo. Kapag hindi nila natatanggap ang pag-alo o pagpapasaya, nagsisimula silang magkimkim sa puso nila ng mga reklamo at mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos. Ayaw na nilang manalangin sa Diyos, at sa kaibuturan nila, iniisip nilang talikuran na ang Diyos, gusto nilang lumayo sa Kanya—kapwa sa Diyos sa langit at sa Diyos sa lupa. Kung pupungusan Ko nang kaunti ang ilang tao, iiwasan nila Ako sa susunod na magkita kami, ayaw nilang makipag-ugnayan sa Akin. Karaniwan, kapag hindi sila pinupungusan, palagi silang nakapaligid sa Akin, nag-aalok ng tsaa, nagtatanong kung kailangan Ko ng anuman, mabuti ang kanilang pakiramdam, masipag sila, madaldal, at malapit ang ugnayan sa Diyos. Pero kapag pinungusan na sila, hindi na ganoon—hindi na sila nag-aalok ng tsaa o nagpapadala ng mga pagbati, at kung magtatanong pa Ako ng ilan pang katanungan, basta na lang silang aalis, hindi na sila makikita.
Noong nasa mainland Tsina Ako, nanatili Ako sa mga bahay ng ilang kapatid. Ang ilan sa mga taong ito ay may masamang pagkatao, ang ilan ay mga bagong mananampalataya, ang ilan ay nagkaroon ng maraming kuru-kuro sa aming unang pagkikita at hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at ang iba ay hindi talaga naghahangad sa katotohanan. Nang makita Kong nagbubunyag ang mga taong ito ng kanilang katiwalian, hindi Ko sila magawang pungusan; kailangan Kong magsalita nang banayad at maingat. Kung talagang pupungusan mo sila, magkakaroon sila ng mga kuru-kuro at paghihimagsik, kaya kailangan mo silang hikayatin at makipagnegosasyon sa kanila, at magbahagi pa ng katotohanan para gabayan sila. Kung hindi ka makikipagnegosasyon o makikipagbahaginan at direktang magbibigay lamang ng mga kahilingan, siguradong hindi ito gagana. Halimbawa, puwede mong sabihing, “Medyo maalat ang pagkaing ito; siguro sa susunod ay bawasan ang alat nito. Hindi maganda sa kalusugan ang sobrang pagkain ng asin. Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat ka ring gumamit ng sentido komun at hindi maging mangmang; kailangan mong tanggapin ang mga positibong bagay. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, puwede kang magtanong sa isang practitioner ng tradisyonal na Chinese medicine tungkol sa mga epekto ng sobrang asin sa mga bato.” Ang pamamaraang ito ay katanggap-tanggap para sa kanila. Ngunit kung sasabihin mo, “Napakaalat ng pagkaing ito, gusto mo bang patayin ang isang tao sa alat? Bakit palagi mong masyadong inaalatan? Sobrang alat nito na hindi na ito makain! Bakit napakamangmang mo? Huwag mo nang gawing masyadong maalat sa susunod!” hindi iyon gagana. Sa susunod na pagkain, baka hindi na sila maglagay ng kahit kaunting asin. Tapos sasabihin mo, “Bakit napakatabang nito?” “Matabang? Hindi ba’t sinabi mong sobrang alat nito? Ang sobrang asin ay nakakasama sa mga bato, kaya hindi ba’t mas mabuting huwag nang maglagay ng asin para hindi makasama sa mga bato?” Ang pagiging masyadong malupit ay hindi gagana; kailangan mong makipagnegosasyon at manghikayat. Maraming tao ang napakahirap kausap; kapag kausap mo sila, kailangan mong maging maingat sa paraan at tiyempo ng iyong pagsasalita, at isaalang-alang din ang kanilang pakiramdam—kailangan mong makipagnegosasyon. Minsan, kung aksidenteng nagsalita ka nang medyo masyadong malupit, maaari mo silang masaktan, at maaari silang tumutol sa loob-loob nila. Sa panlabas, maaaring hindi ito mukhang malaki, pero sa loob, iba ito. Karaniwan, kapag humihiling ka sa kanila na gawin ang isang bagay, ginagawa nila ito kaagad, ngunit kung nasaktan mo ang kanilang damdamin, hindi na sila nagiging masigasig sa paggawa ng mga bagay, nag-aatubili sila at ayaw na nila talaga. Sinasabi nila, “Paano ako magiging mabuti sa iyo kapag masama ang pakiramdam ko? Magiging mas mabait ako kapag maganda ang pakiramdam ko, pero kapag hindi, sapat na ang magpatuloy lang.” Anong klaseng nilikha ito? Hindi ba’t mahirap pakitunguhan ang mga tao? (Oo.) Sadyang ganito ang mga tao, hindi tinatablan ng katwiran at walang lohika. Kapag kalaunan ay pinagnilayan nila ang kanilang sarili, maaaring yumuko sila, mangumpisal ng kanilang mga kasalanan, at humagulhol nang husto, pero ganoon pa rin ang reaksyon nila kapag naharap silang muli sa mga gayong bagay at napungusan. Ito ba ay isang taong naghahangad sa katotohanan? (Hindi.) Anong klaseng tao ito? Ang gayong tao ay matigas ang ulo at hindi talaga tinatanggap ang katotohanan. Ganito ang klase ng saloobin ng mga tao sa Diyos kapag nahaharap sila sa pagpupungos, at kapag nahaharap sa mga paghihirap. Sa madaling salita, hindi sila mapagpasakop, hindi nila matanggap ang katotohanan, at kapag nasasaktan sila, tinatrato nila ang Diyos ayon sa kanilang pagkamainitin ng ulo. Hindi ba’t isa itong seryosong problema? Kapag nakatagpo Ko ang ilang tao, kahit bago Ko pa sila pungusan, kapag nagsasalita Ako tungkol sa naturang usapin, sumisimangot sila, masungit silang nagsasalita, may masama silang saloobin, at ibinabato pa ang mga bagay. Hindi ka puwedeng magsalita nang prangka sa kanila; kailangan mong magpaliguy-ligoy at maging maingat. Puwede ba Akong magsalita sa gayong paligoy-ligoy na paraan tulad ng ginagawa ng mga tao? Kaya mo man itong tanggapin o hindi, kailangan Kong sabihin ang totoo—ang mga bagay ay dapat gawin ayon sa mga katotohanang prinsipyo sa sambahayan ng Diyos. Walang ipinapakitang reaksyon ang ilang tao kapag pinupungusan, ngunit nagtatampo sila sa loob-loob nila. Kaya bang gawin nang maayos ng gayong tao ang kanyang tungkulin? (Hindi.) Kung hindi niya magawa nang maayos ang kanyang tungkulin at palagi siyang nagkakamali, kailangan siyang pangasiwaan ng iglesia ayon sa mga prinsipyo.
2. Ang Kanilang Pag-uugali kay Cristo Noong Siya ay Tinutugis, Nang Walang Mapagpahingahan ng Kanyang Ulo
Sa mainland Tsina, araw-araw ay may panganib sa pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Napakahirap ng kapaligiran para doon, maaaring maaresto ang isang tao anumang oras. Naranasan na ninyong lahat ang isang kapaligiran kung saan kayo ay tinutugis—at hindi ba’t Ako rin naman? Ikaw at Ako ay nabuhay sa parehong kapaligiran, kaya’t sa kapaligirang iyon, hindi Ko maiwasang magtago nang madalas. May mga pagkakataong kailangan kong lumipat ng lugar dalawa o tatlong beses sa isang araw; may mga pagkakataon pa nga na kailangan kong pumunta sa isang lugar na hindi Ko akalain na mapupuntahan Ko. Ang mga pinakamahirap na pagkakataon ay iyong wala Akong mapuntahan—magdadaos Ako ng pagtitipon sa araw, pagkatapos sa gabi, hindi Ko alam kung saan ang ligtas na lugar. Minsan, matapos magpakahirap na makahanap ng lugar, kailangan Ko nang umalis kinabukasan, dahil ang malaking pulang dragon ay papalapit na. Ano ang iniisip ng mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos kapag nakikita nila ang gayong eksena? “Na pumarito ang Diyos sa lupa sa katawang-tao upang iligtas ang tao ang halagang Kanyang binayaran. Isa ito sa mga paghihirap na Kanyang naranasan, at tinutupad nito ang Kanyang mga salita na nagsasabing, ‘May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang Kanyang ulo’ (Mateo 8:20). Talagang ganito ang mga bagay-bagay—at si Cristo na nagkatawang-tao ay personal na nararanasan ang ganitong paghihirap, katulad ng tao.” Makikita ng lahat ng tunay na nananalig sa Diyos kung gaano kahirap ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao, at dahil dito, mamahalin nila ang Diyos, at pasasalamatan Siya para sa halagang Kanyang binayad para sa kapakanan ng sangkatauhan. Ang mga may napakasamang pagkatao, na malisyoso at ganap na tinatanggihan ang katotohanan, gayundin ang mga sumusunod kay Cristo nang dahil lang sa pagkamausisa o dahil gusto nilang makakita ng mga himala, ay hindi nag-iisip nang ganito kapag nakikita nila ang mga gayong eksena. Iniisip nila, “Wala kang matutuluyan? Ikaw ang diyos, gumagawa upang iligtas ang mga tao, pero hindi mo man lang mailigtas ang iyong sarili at hindi mo alam kung saan ka tutuloy bukas. Ngayon wala ka nang matutuluyan—paano ako maniniwala o susunod sa iyo?” Habang mas nagiging mapanganib ang mga sitwasyon, mas natutuwa sila, iniisip na, “Buti na lang, hindi ko lubusang tinalikuran ang lahat; buti na lang, may nakareserba akong plano. Kita mo? Wala ka nang tahanan ngayon! Alam ko nang magkakaganito—wala kang mapaghihiligan ng iyong ulo, at kailangan ko pang tumulong na makahanap ng matutuluyan mo.” Nalantad na sila, hindi ba? Kung masaksihan ng mga gayong tao ang eksena ng pagkakapako sa Panginoong Jesus, paano sila aasal? Nang buhat-buhat ng Panginoong Jesus ang krus patungo sa Golgota, nasaan ang mga gayong tao? Patuloy ba nilang masusundan Siya? (Hindi.) Itinatwa nila ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang Kanyang diwa, at maging ang Kanyang pag-iral. Tumakas sila, pinrotektahan ang kanilang sarili, hindi na sila sumunod sa Diyos. Gaano mang karaming sermon ang narinig nila noon, naglaho ang lahat ng ito sa kanilang puso, naglaho nang walang bakas. Naniwala sila na totoo at galing sa tao ang lahat ng nakita nila sa harap nila, walang kinalaman sa Diyos. Iniisip nila, “Ang taong ito ay tao lamang; nasaan sa kanya ang pagkakakilanlan o diwa ng diyos? Kung siya ang diyos, magtatago at magkukubli ba siya nang ganito, tinutugis ni Satanas nang walang mapaghihiligan ng kanyang ulo, walang masilungan? Kung siya ang diyos, dapat bigla na lang siyang magbagong-anyo at maglaho sa harap ng lahat ng tao kapag siya ay tinutugis, na ginagawa iyon para walang sinumang makakita sa kanya, at dapat alam niya kung paano gawin ang sarili niya na di-nakikita—iyon ang pagiging diyos!” Sa mapanganib na kapaligiran sa mainland Tsina, may ilang kapatid, kapag nakita nilang pumunta Ako sa kanilang lugar, na isinugal ang kanilang kaligtasan upang patuluyin at protektahan Ako, habang ang iba naman ay tumakas, na naglalaho nang walang bakas. Naaaliw pa ngang nanonood ang iba, nakatingin mula sa gilid-gilid. Sino ang mga taong ito? Sila ang mga hindi mananampalataya, mga anticristo. Nang makita Ako ng mga taong ito na walang mapagtaguan, paano nila tiningnan ang sitwasyong ito? Paano nila naunawaan ito? “Si cristo ay nasa panganib din, malapit nang mahuli. Naku, katapusan na ng iglesia, katapusan na ng gawain ng sambahayan ng diyos. Ang yugtong ito ng gawain ay isang pagkakamali, mali ang patotoo ng diyos—hindi ito ang pinatotohanan ng diyos. Mabuti pang umalis na ako at mamuhay ng sarili kong buhay; magpapakayaman na ako!” Ganito ang asal ng isang anticristo. Nang tinutugis si Cristo at wala nang mapagtaguan at walang lugar na mapaghiligan ng Kanyang ulo, sa halip na makipagkaisa sa puso upang magdusa kasama ang Diyos at ipagpatuloy ang gawain ng iglesia kasama Siya sa gayong kapaligiran, naging mga tagapanood sila na pinanonood Siya at nanunuya. Sinulsulan pa nga nila ang iba na magdulot ng pagkasira, mga pagkagambala, at kaguluhan, at higit pa rito, nang makita ng ilang tao na wala Akong mapagtaguan at matuluyan, sinamantala nila ang pagkakataon upang guluhin ang gawain ng iglesia at agawin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos. Katulad ito noong ipinako si Jesus sa krus, maraming hindi mananampalataya at anticristo ang nag-isip, “Katapusan na ng iglesia, katapusan na ng gawain ng diyos, ganap na itong winasak ni Satanas. Mabuti pang magmadali na tayong tumakas at simulan na nating paghati-hatian ang mga yaman!” Anuman ang mga sitwasyon na kanilang kinakaharap, palaging ibubunyag ng mga hindi mananampalataya at anticristong ito ang kanilang malulupit na disposisyon, ibinubunyag ang mga tunay na katangian ng mga hindi mananampalataya. Kapag ang iglesia ay nakakaranas ng kahit katiting na problema o mahihirap na sitwasyon, gusto nila agad tumakas, sabik na ang lahat ng kapatid ay maghiwa-hiwalay, umatras, at hindi na sundan si Cristo. Taimtim nilang hinihiling na mali ang agos na ito, at na hindi matapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga tunay na katangian ng mga anticristo. Ito ang saloobin ng mga anticristo kay Cristo kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon.
3. Ang Kanilang Pag-uugali Kapag Nagkakaroon Sila ng mga Kuru-kuro tungkol kay Cristo
Ang isa pang aytem ay ang mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao. Halimbawa, kapag nakikita nila ang Diyos na nagkatawang-tao na gumagawa ng ilang bagay o nagsasabi ng ilang salita na kahawig ng sa tao, kung saan hindi nakikita ang kahit anong bakas ng pagka-Diyos, nagkakaroon sila ng paglaban at nagbubunga ng mga kuru-kuro at pagkondena mula sa kaibuturan ng kanilang puso, iniisip nila, “Kahit paano ko siya tingnan, ang taong iyon ay hindi mukhang diyos; mukha lang siyang ordinaryong tao. Kung siya ay mukhang tao, kaya pa rin ba niyang maging diyos? Kung siya ay isang tao, hindi ba’t napakalaking kahangalan ang pagsunod sa kanya nang ganito?” Nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa pananalita at kilos ni Cristo, tungkol sa istilo ng pamumuhay ni Cristo, sa Kanyang kasuotan at anyo, at maging sa paraan ng Kanyang pagsasalita, sa Kanyang tono, mga ginagamit na salita, at iba pa—kaya nilang magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa lahat ng ito. Kapag lumilitaw ang mga kuru-kurong ito, paano sila tumutugon? Kinikimkim nila ang mga kaisipang ito at hindi nila pinakakawalan ang mga ito, naniniwala sila na ang paghawak sa mga kuru-kurong ito ay tulad ng pagsunggab sa susi. Iniisip nila na ang “susing” ito ay dumating sa tamang oras, na kapag mayroon sila ng mga kuru-kurong ito, nagbibigay ito sa kanila ng bentaha, at kapag mayroon na silang bentaha, nagiging madali na itong pangasiwaan. Ganito mag-isip ang mga anticristo; pakiramdam nila, ang pagkakaroon ng mga kuru-kuro ay katumbas ng pagkakaroon ng bentaha, at sa gayon ay puwede nilang itatwa si Cristo sa anumang oras at lugar at puwede nilang itatwa ang katunayan na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay nagtataglay ng diwa ng Diyos. Nagtatanong ang ilang tao, “Bakit nagkikimkim ng mga gayong layunin ang mga anticristo?” Sabihin ninyo sa Akin, ang mga anticristo ba, iyong mga kasamahan ni Satanas ay umaasa na matagumpay na makukumpleto ang gawain ng Diyos, o hindi? (Hindi sila umaasa.) Bakit hindi nila ito inaasahan? Ano ang ipinapakita nito? Ang mga anticristo ay likas na tutol sa katotohanan, at ang lahat ng salitang ipinahayag ng Diyos ay ang katotohanan, na lubos nilang kinasusuklaman sa kanilang puso at ayaw nilang pakinggan o tanggapin. Ang mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa sangkatauhan ay mga pagkondena sa mga anticristo at masasamang taong ito, at para sa kanila, ang mga salitang ito ay mga pagkondena, panghuhusga, at sumpa, na nagpaparamdam sa kanila ng pagkaasiwa at pagkabalisa kapag naririnig nila ang mga ito. Ano ang iniisip nila sa kanilang puso? “Hinahatulan at kinokondena ako ng lahat ng salitang ito na sinasabi ng diyos. Mukhang hindi maliligtas ang isang tulad ko; ako ang uri ng tao na natitiwalag at tinatanggihan. Dahil wala akong pag-asang maligtas, ano pa ang silbi ng pananampalataya sa diyos? Pero ang totoo ay siya pa rin ang diyos, siya ang laman kung saan nagkatawang-tao ang diyos, na nagsalita ng napakaraming salita at may napakaraming tagasunod. Ano ang dapat kong gawin tungkol dito?” Nababalisa sila sa usaping ito; kung wala silang matatamo, ayaw rin nilang may matamo ang iba. Kung matatamo ito ng iba habang sila ay hindi, labis silang napopoot at nalulungkot. Umaasa sila na ang nagkatawang-taong Diyos ay hindi magiging Diyos at na ang gawain na Kanyang ginagawa ay magiging huwad at hindi gawa ng Diyos. Kung ganito nga ang kaso, magiging balanse ang pakiramdam nila sa loob nila, at malulutas ang ugat ng problema. Iniisip nila, “Kung ang taong ito ay hindi ang nagkatawang-taong diyos, kung gayon, hindi ba’t mangangahulugan na nalilinlang ang mga sumusunod sa kanya? Kung ganoon nga, magkakawatak-watak ang mga taong ito sa malao’t madali. Kung magkakawatak-watak sila at wala sa kanila ang magtatamo ng anuman, makakapahinga ako nang payapa at balanse ang pakiramdam ko na walang akong natamo, tama ba?” Ganito ang kanilang mentalidad; wala silang matamo, kaya ayaw nilang may matamo ang iba. Ang pinakamainam na paraan upang pigilan ang iba na may matamong kahit ano ay ang itatwa si Cristo, itatwa ang diwa ni Cristo, itatwa ang gawaing ginawa ni Cristo, at itatwa ang lahat ng salitang sinabi ni Cristo. Sa ganitong paraan, hindi sila makokondena, at matatanggap nila at payapa sila na wala silang natamong kahit ano, hindi na nila kailangang mag-alala tungkol sa bagay na ito. Ito ang kalikasang diwa ng mga taong tulad ng mga anticristo. Kaya, mayroon ba silang mga kuru-kuro tungkol kay Cristo? At kapag mayroon silang mga kuru-kuro, nilulutas ba nila ang mga ito? Kaya ba nilang bitiwan ang mga ito? Hindi nila kaya. Paano sila nagkakaroon ng mga kuru-kuro? Madali para sa kanila na magkaroon ng mga kuru-kuro: “Kapag nagsasalita ka, sinisiyasat kita, sinusubukan kong intindihin ang motibo sa likod ng iyong mga salita at kung saan nagmumula ang mga ito. Narinig o natutunan mo ba ang mga ito, o may nagturo ba sa iyo na sabihin ang mga ito? May nag-ulat ba o nagsampa ng reklamo laban sa iyo? Sino ang iyong inilalantad?” Ganito sila nagsisiyasat. Kaya ba nilang maunawaan ang katotohanan? Hindi nila kailanman mauunawaan ang katotohanan; nilalabanan nila ito sa kanilang puso. Tutol sila sa katotohanan, nilalabanan nila ito, at kinamumuhian ito, at nakikinig sila sa mga sermon nang may ganitong uri ng kalikasang diwa. Bukod sa mga teorya at doktrina, ang nauunawaan lang nila ay mga kuru-kuro. Anong klaseng mga kuru-kuro? “Nagsasalita si cristo sa ganitong paraan, minsan ay nagpapatawa pa siya; hindi iyon kagalang-galang! Gumagamit siya minsan ng mga matalinghagang kasabihan; hindi iyon seryoso! Hindi mahusay ang kanyang pananalita; hindi mataas ang kanyang pinag-aralan! Minsan, kailangan niyang pagmuni-munihan at pag-isipan ang gagamitin niyang mga salita; hindi siya nag-aral sa unibersidad, hindi ba? Minsan, ang kanyang pananalita ay may pinupuntiryang partikular na tao—sino? May nagsampa ba ng reklamo? Sino iyon? Bakit palagi akong pinupuna ni cristo kapag nagsasalita siya? Pinapanood at pinagmamasdan ba niya ako buong araw? Ginugugol ba niya ang buong araw sa pag-iisip tungkol sa mga tao? Ano ang iniisip ni cristo sa kanyang puso? Ang pananalita ng diyos na nagkatawang-tao ay hindi katunog ng kagimbal-gimbal na tinig ng diyos sa langit na may hindi makukuwestyong awtoridad—bakit sobrang malatao ang ipinapamalas niya? Tao lang siya, kahit paano ko pa siya tingnan. May kahit anong kahinaan ba ang diyos na nagkatawang-tao? Namumuhi ba siya sa mga tao sa puso niya? Mayroon ba siyang kahit anong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo sa kanyang mga pakikipag-ugnayan sa mga tao?” Hindi ba’t marami ang mga kuru-kurong ito? (Oo.) Ang mga iniisip ng mga anticristo ay puno ng mga bagay na walang kaugnayan sa katotohanan, pawang nagmumula sa pag-iisip at lohika ni Satanas, mula sa pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Sa kaibuturan, puno sila ng kabuktutan, puno ng kalagayan at disposisyon na tutol sa katotohanan. Dumarating sila hindi upang hanapin o matamo ang katotohanan, kundi upang siyasatin ang Diyos. Ang kanilang mga kuru-kuro ay maaaring lumitaw anumang oras, saanmang lugar, at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro habang nagmamasid, habang nagsisiyasat. Nabubuo ang kanilang mga kuru-kuro habang sila ay humahatol at nagkokondena, at mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga kuru-kurong ito sa kanilang puso. Kapag inoobserbahan nila ang panig ng pagiging tao ng Diyos na nagkatawang-tao, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Kapag nakikita nila ang panig ng Kanyang pagka-diyos, nagiging mausisa sila at namamangha sila, na nagiging sanhi rin ng pagkakaroon ng mga kuru-kuro. Ang kanilang saloobin kay Cristo at sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi saloobin ng pagpapasakop o ng tunay na pagtanggap mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa halip, sila ay nakatayo sa tapat ni Cristo, pinagmamasdan at sinisiyasat ang Kanyang tingin, mga iniisip, at tindig, at pinagmamasdan at sinisiyasat pa nga ang bawat ekspresyon ni Cristo, pinakikinggan ang bawat klase ng tono, intonasyon ng pagsasalita, at mga salitang ginagamit, at kung ano ang tinutukoy sa pananalita ni Cristo at iba pa. Kapag pinagmamasdan at sinisiyasat ng mga anticristo si Cristo sa ganitong paraan, ang kanilang saloobin ay hindi upang hanapin ang katotohanan at maunawaan ito upang matanggap nila si Cristo bilang kanilang Diyos at matanggap si Cristo na maging kanilang katotohanan at maging kanilang buhay. Sa kabaligtaran, gusto nilang siyasatin ang taong ito, upang lubusang siyasatin at maarok Siya. Ano ang sinusubukan nilang maarok? Sinisiyasat nila kung paano nagiging kahawig ng Diyos ang taong ito, at kung tunay ngang kahawig Siya ng Diyos, tatanggapin nila Siya. Kung gaano man nila Siya siyasatin ay hindi Siya mukhang Diyos, tuluyan nilang binibitiwan ang ideya at patuloy na pinanghahawakan ang mga kuru-kuro tungkol sa nagkatawang-taong Diyos, o, sa paniniwalang walang pag-asang tumanggap ng mga pagpapala, naghahanap sila ng pagkakataong makaalis kaagad.
Normal lamang para sa mga anticristo na magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Dahil sa kanilang diwa bilang mga anticristo, sa kanilang diwa na tutol sa katotohanan, imposibleng mabitiwan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Kapag walang nangyayari, binabasa nila ang aklat ng mga salita ng Diyos at nakikita nila ang mga salitang ito bilang Diyos, pero sa pakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos at pagkatuklas na hindi Siya kahawig ng Diyos, agad silang nagkakaroon ng mga kuru-kuro at nagbabago ang kanilang saloobin. Kapag hindi nakikipag-ugnayan sa nagkatawang-taong Diyos, hawak lamang nila ang aklat ng mga salita ng Diyos at itinuturing nila ang Kanyang mga salita bilang Diyos, at maaari pa rin silang magkimkim ng isang malabong pantasya at isang layunin ng pagtanggap ng mga pagpapala upang atubiling magsikap, gumawa ng ilang tungkulin, at gumampan ng isang papel sa sambahayan ng Diyos. Pero, sa sandaling makipag-ugnayan sila sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, napupuno ng mga kuru-kuro ang kanilang isipan. Kahit na hindi sila pinupungusan, maaaring mabawasan nang husto ang kanilang sigasig sa paggawa ng kanilang mga tungkulin. Ganito tinatrato ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos. Madalas nilang inihihiwalay ang mga salita ng Diyos mula sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, itinuturing ang mga salita ng Diyos bilang Diyos at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos bilang tao. Kapag ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ay hindi umaayon o kaya ay lumalabag sa kanilang mga kuru-kuro, mabilis silang bumabaling sa mga salita ng Diyos at dinarasal-binabasa ang mga ito, pilit na sinusubukang supilin ang kanilang mga kuru-kuro at pigilan ang mga ito. Pagkatapos, sinasamba nila ang mga salita ng Diyos na para bang sinasamba nila ang Diyos mismo, at para bang nalutas na ang kanilang mga kuru-kuro. Gayumpaman, sa realidad, hindi talaga nalulutas ang kanilang panloob na pagsuway at pagkamuhi kay Cristo. Sa kanilang pagtrato kay Cristo, patuloy na nagkakaroon ng mga kuru-kuro ang mga anticristo at mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga ito hanggang kamatayan. Kapag wala silang mga kuru-kuro, nagsisiyasat at nagsusuri sila; kapag mayroon silang mga kuru-kuro, hindi lamang sila nagsisiyasat at nagsusuri, kundi mahigpit din nilang pinanghahawakan ang mga ito. Hindi nila nilulutas ang kanilang mga kuru-kuro ni hinahanap ang katotohanan; sila ay kumbinsidong tama sila. Hindi ba’t nabibilang sila kay Satanas? (Oo.) Ito ang mga pagpapamalas ng mga anticristo kapag mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao.
4. Ang Kanilang Pag-uugali Kapag Sila ay Itinataas ng Ranggo o Tinatanggal
Sa iglesia, may ilang tao na may kaunting kakayahan at kaunting abilidad na magpatupad ng gawain. Kapag itinataas ang kanilang ranggo, labis silang masigasig, aktibo nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, umaako sila ng responsabilidad, handang magbayad ng halaga, at may katapatan din. Gayumpaman, kapag tinanggal sila sa kanilang posisyon dahil sa kawalan ng kakayahang magampanan ang gawain at nawala ang kanilang katayuan, nagbabago ang kanilang saloobin sa Diyos. Noong may katayuan sila, ganito sila makipag-usap sa Diyos: “Ang mga kapatid sa aming pamilya ay ganito, ang gusali ng aming pamilya ay kailangang ipagawa, ang bakuran ng aming pamilya ay kailangang linisin….” Tungkol sa “aming pamilya” ang lahat ng bagay. Nang itinaas ang ranggo nila, naging bahagi sila ng sambahayan ng Diyos, tila kaisa sila ng Diyos sa puso, parang pamilya, na kayang asikasuhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos nang may pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos at nang kasama Niya, at kayang makipag-ugnayan sa Diyos bilang kapantay. Nang itinaas ang kanilang ranggo at nailagay sila sa isang mahalagang posisyon, nakaramdam sila ng karangalan, at kasabay nito, naramdaman nila ang kanilang responsabilidad. Kapag nakikipag-usap sa Akin o sa mga kapatid, madalas nilang sinasabi ang “aming pamilya.” Kung maririnig mo ito, iisipin mo na hindi naman masama ang taong ito, na may mabuti siyang puso, mabait, itinuturing na sarili niyang tahanan ang sambahayan ng Diyos, labis na nagmamalasakit at may napakalaking responsabilidad sa lahat ng bagay, at maagap na pinag-iisipan ang lahat ng bagay, mukha siyang isang taong naghahangad sa katotohanan at masigasig sa pagbabayad ng halaga. Pero ganito pa rin ba siya magsalita pagkatapos siyang matanggal? Kapag siya ay natanggal, hindi na ganoon ang kanyang pakiramdam—nawala na ang saloobing iyon. Hindi na niya sinasabi ang “aming pamilya,” at kapag inatasan siyang gumawa ng isang bagay, hindi na siya ganoon kasigasig. Ano ang iniisip niya? “Noong itinaas mo ang ranggo ko, may katayuan ako, at buong-puso akong kasama mo. Ngayong wala na akong katayuan, hindi na tayo pamilya, kaya gawin mo ito nang mag-isa. Huwag kang sumangguni sa akin sa kung paano mo ito ginagawa, at huwag mo nang ipaalam sa akin, wala itong kinalaman sa akin. Magpapasa na lang ako ng mga mensahe sa iyo at iyon na lang—gagawin ko ng kaunti ang anumang iutos mo sa akin, pero hindi na ako kaisa ng puso mo.” Pagkatapos ay itinuturing ka niyang tagalabas. Kapag inutusan mo siyang gumawa ng isang bagay, gumagawa lang siya na parang nagtatrabaho siya para sa ibang tao, paimbabaw na iniraraos ang mga bagay-bagay. Dati ay maaaring gumawa siya ng limang gawain, pero ngayon ay isa o dalawa na lang, iniraraos lang niya ang proseso, nang pabasta-pabasta, gumagawa ng mga paimbabaw na gawain at iyon na iyon. Bakit ganito? Sabi niya: “Noon, buong-puso akong kasama mo, tumutulong sa iyo sa kung anu-anong bagay, itinuturing ang iyong mga usapin bilang aking sariling mga usapin, bilang pareho nating gawain, gumagawa ako sa iyong ngalan. Pero pagkatapos ay basta mo na lang akong tinanggal nang hindi man lang isinasaalang-alang ang aking damdamin! Hindi mo isinasaalang-alang ang aking damdamin—paano ako gagawa para sa iyo? Kung itataas mong muli ang ranggo ko at bibigyan ako ng katayuan, ayos lang iyon. Pero kung hindi mo ako bibigyan ng katayuan, kalimutan mo na lang ito. Kung may gusto kang ipagawa sa akin uli, hindi na ito magiging kasinghusay ng dati. Kung gagamitin mo ako, kailangan mo akong bigyan ng kasikatan at katayuan. Kung walang katayuan, at uutusan mo lang ako na gumawa ng ilang gawain, nasaan ang pagkilala roon? Dapat may paliwanag!” Ngayon kapag nagsasalita ka, hindi na ito epektibo. Kapag hiniling mo sa kanyang gawin ang isang bagay, hindi na siya kasingdedikado gaya ng dati, hindi na niya iniaalay ang kanyang buong puso at isipan; nagbago na ang kanyang saloobin. Kung hihilingin mo sa kanyang gawing muli ang isang bagay, o kung hihilingin ng sambahayan ng Diyos na gawin niya ang isang bagay, itinuturing niya ito bilang isang karagdagang gawain, bilang isang usapin ng tagalabas, na para bang malaking karangalan na para sa iyo ang paggawa niya nito. Pakiramdam niya na kung hindi niya gagawin ito, tila hindi ito makatarungan, lalo na’t nananalig siya sa Diyos. Pero kung gagawin man niya ito, ginagawa niya ito nang labag sa loob at iniraraos lamang ito. Bakit niya ito ginagawa? Iniisip niya, “Nagtiwala ako sa iyo nang 100% noon, itinuring ko ang iyong mga usapin na parang aking sariling mga usapin, pero pagkatapos ay binalewala mo lang ako ng ganoon-ganoon na lang, na nakasakit sa puso ko at sa aking pagpapahalaga sa sarili; hindi mo ako binigyang-pansin. Sige, kung hindi ka mabuti sa akin, huwag mo akong sisihin kung wala akong puso. Kung gagamitin mo akong muli, imposible nang maging katulad ako ng dati, dahil nasira na ang ating relasyon. Hindi ako madaling utus-utusan, na darating kapag tinawag at aalis kapag pinaalis. Sino ba ako? Kung hindi lang dahil sa pananampalataya sa diyos, papayag ba akong manipulahin ako nang ganito ng iba?” Kapag natanggal ang mga anticristo at nawala ang kanilang katayuan, maaaring magbago nang husto ang kanilang saloobin. Noong may katayuan pa sila, kahit na tinatawag nilang “aming pamilya” ang sambahayan ng Diyos at madalas nila itong banggitin, hindi talaga nila itinuturing na kanilang sariling usapin ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos matanggal at mawalan ng katayuan, kung hihilingin ng sambahayan ng Diyos na gawin nila ang kanilang tungkulin, ayaw nilang gawin ito nang walang negosasyon, at kahit na ganoon, nanghihingi pa sila ng paliwanag o ng isang uri ng pagkilala. Sinasabi pa nga ng ilan, “Noong huli ay tinanggal mo ako, basta mo na lang akong binalewala. Kung gusto mo akong gumawa ng isang bagay ngayon, maliban kung ang taong ginagamit ng banal na espiritu mismo ang makipag-usap sa akin, o ang diyos na nagkatawang-tao mismo ang makipag-usap sa akin, kung hindi, kalimutan mo na!” Sobrang yabang nila! Sabihin ninyo sa Akin, dapat bang gamitin ng sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao? (Hindi.) Iniisip nila na mahalaga sila, pero ang totoo, hindi pinahahalagahan ng sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao. Kahit gaano pa kahusay ang iyong talento, kakayahan, o kasanayan sa pamumuno, hindi ka gagamitin ng sambahayan ng Diyos. Maaaring magtanong ang ilan, “Dahil ba ito sa ayaw Mong yumukod sa masasamang tao?” Hindi; ito ang atas administratibo ng sambahayan ng Diyos at ang prinsipyo nito sa paggamit ng mga tao. Kung papayagang makahawak ng kapangyarihan ang mga anticristo sa sambahayan ng Diyos, magiging mabuti o masamang bagay ba ito para sa mga kapatid, para sa iglesia? (Masamang bagay.) Kaya bang gawin ng sambahayan ng Diyos ang ganoon kasamang bagay? Hinding-hindi. Bago nabunyag na anticristo sila, atubiling itinaas ng sambahayan ng Diyos ang ranggo nila upang magserbisyo. Noong nabunyag na anticristo sila, maaari pa bang itaas ng sambahayan ng Diyos ang ranggo nila? Hindi ito posible. Sila ay nagpapantasya at nangangarap nang gising. Ganito mag-isip ang ilang anticristo: “Hmp, hindi makakakilos ang sambahayan ng diyos nang wala ako. Walang sinuman sa sambahayan ng diyos ang makakagawa ng gawaing ito bukod sa akin. Sino ang makakapalit sa akin?” Gusto ng mga anticristo na magpahayag ng ganito. Ipakita natin sa kanila kung ang gawain ng Diyos ay makapagpapatuloy nang maayos at makukumpleto nang wala ang mga anticristong ito sa sambahayan ng Diyos.
Ang maayos na pag-usad at pag-unlad ng iba’t ibang uri ng gawain sa sambahayan ng Diyos ngayon—may kaugnayan ba ito sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa lahat ng uri ng anticristo at masamang tao mula sa iglesia? Napakalaki ng kaugnayan nito! Hindi ito napagtatanto ng mga anticristo; hindi nila alam na dahil mismo sa pagpapaalis, pagpapatalsik, at paghihigpit sa kanila kaya maayos na nakakapagpatuloy ang gawain ng sambahayan ng Diyos—nagyayabang pa nga sila at nagrereklamo! Ano ang nirereklamo mo? Iniisip mong may talento at talino ka, kakayahan at abilidad na gumawa, pero ano ang kaya mong gawin sa sambahayan ng Diyos? Ginagampanan lamang ng mga taong ito ang papel ng mga kampon ni Satanas, na ginugulo at sinasabotahe ang gawain ng Diyos. Kung wala ang kanilang presensya, ang buhay iglesia ng mga hinirang na tao ng Diyos, ang buhay ng paggawa sa kanilang mga tungkulin, at ang kanilang pang-araw-araw na buhay ay pawang magiging mas tahimik, mas maayos, at mas payapa—isang bagay na hindi natatanto ng mga anticristo. Sobra ang pagpapahalaga ng mga anticristo sa kanilang kakayahan at hindi nila natatanto kung ano talaga sila. Iniisip nila na hindi makakakilos ang sambahayan ng Diyos kung wala sila, na hindi maisasakatuparan ang gawain at hindi makapagpapatuloy ang iba’t ibang teknikal na gawain kung wala sila. Hindi nila nauunawaan na ang katuwiran at katotohanan ang may kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Bakit hindi nila alam? Bakit hindi maunawaan ng mga anticristo ang gayon kasimpleng bagay? Ipinapakita lamang nito na ang mga anticristo ay may diwa na tutol sa katotohanan at kalaban nito. Dahil mismo sa tutol sila sa katotohanan at laban sila sa katotohanan kaya hindi nila alam kung ano ang katotohanan, hindi nila alam kung ano ang mga positibong bagay. Sa kabaligtaran, iniisip nila na ang kanilang mga buktot, malisyosong pag-uugali na lumalaban sa Diyos ay mabuti at tama, walang anumang pagkakamali. Naniniwala sila na sila lamang ang nakakaunawa sa katotohanan, tapat sa Diyos, at sila lamang ang karapat-dapat na humawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Nagkakamali sila! Ang katotohanan ang may kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos. Dapat kondenahin, itakwil, at itiwalag ang lahat ng anticristo; hindi sila maaaring magkaroon ng lugar sa sambahayan ng Diyos at maaari lamang silang itakwil magpakailanman.
Ang ilang anticristo ay may taglay na kaunting galing, kaunting kakayahan, at kaunting abilidad, at bihasa sa pakikipag-agawan sa kapangyarihan. Iniisip nila na sa sambahayan ng Diyos, sila ang dapat na itaas ang ranggo at mailagay sa mahahalagang posisyon. Pero kung titingnan ang sitwasyon ngayon, hindi iyon ang nangyayari. Kinondena, pinaghigpitan, at tinanggihan ang mga taong ito, at pinaalis o pinatalsik pa nga ang iba mula sa iglesia. Hindi nila kailanman inakala na ang mga “dakilang” taong tulad nila, na may mahuhusay na abilidad at labis na katalinuhan, ay aktuwal na mabibigo sa sambahayan ng Diyos at matatakwil. Sadyang hindi nila ito maunawaan. Kaya, dapat ba tayong patuloy na gumawa sa kanila? Hindi na kailangan. Maaari ka bang mangatwiran sa mga Satanas? Ang pangangatwiran sa mga Satanas ay tulad ng pangangaral sa bingi; iisa lamang ang paraan para mailarawan ang mga Satanas—hindi tinatablan ng pangangatwiran. Tulad ng sinasabi ng ilang tao, “Hiniling ng diyos na maging tapat ang mga tao, pero ano ba ang mabuti sa pagiging tapat? Ano ang mali sa iilang kasinungalingan, sa panlilinlang ng mga tao? Ano ang mali sa pagiging baluktot at mapanlinlang? Ano ang mali sa pagiging hindi tapat? Ano ang mali sa pagiging tuso, sa pagiging pabasta-basta? Ano ang mali sa paghusga sa diyos? Ano ang mali sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa diyos? Ano ang mali sa paghihimagsik laban sa diyos, ano ba ang malaking pagkakamali roon? Hindi naman talaga ito usapin ng prinsipyo!” May ilang tao pang nagsasabi, “Hindi ba’t napakanormal lamang para sa isang taong may kakayahan na magtatag ng kanyang nagsasariling kaharian? Sa mundong ito, ang lahat ay tungkol sa malaking isda na kumakain sa maliit na isda, isang mundo ng malalakas na tumutugis sa mahihina. Kung may abilidad ka, dapat mong itayo ang iyong nagsasariling kaharian, ano ang mali roon? Ang bawat isa ay may kapangyarihan ayon sa kanilang kakayahan, at dapat nilang pamahalaan ang dami ng tao ayon sa makakaya ng kanilang kapangyarihan!” Sinasabi ng iba, “Ano ang mali sa pagiging malandi? Ano ang problema sa kalandian? Ano ang mali sa pagsunod sa mga buktot na kalakaran?” At iba pa. Pagkatapos ninyong marinig ang mga salitang ito, ano ang nararamdaman ninyo? (Nasusuklam.) Nasusuklam lamang? Pagkarinig sa mga salitang ito, mararamdaman ng isang tao, “Pareho tayong nakasuot ng balat ng tao, kaya bakit ang ilang tao ay hindi lamang hindi namumuhi sa mga negatibong bagay bagkus ay pinapahalagahan pa ang mga ito? At bakit namumuhi ang ilang tao sa mga bagay na ito? Bakit may ganoong kalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga tao? Bakit ang mga taong tutol sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay hindi nagmamahal sa mga positibong bagay? Bakit nila pinapahalagahan nang husto ang mga negatibong bagay, itinuturing pa nga ang mga ito bilang kayamanan? Bakit hindi nila makita ang kabuktutan at pagiging kasuklam-suklam ng mga negatibong bagay na ito?” Ang mga gayong pagninilay ay lumilitaw sa puso ng mga tao. Kapag naririnig ang mga salitang iyon mula sa mga anticristo, nakakaramdam ang mga tao ng pagkasuklam sa isang banda at pagkawalang-masabi sa kabilang banda. Hindi na nababago ang kalikasan ng mga gayong tao; hindi nila kayang magbago, kaya sinabi ng Diyos na hindi Niya inililigtas ang mga diyablo o mga Satanas. Ang pagliligtas ng Diyos ay para sa sangkatauhan, hindi para sa mga hayop o mga demonyo. Ang mga taong tulad ng mga anticristong ito ang mismong tinutukoy ng Diyos na mga diyablo at hayop; hindi sila maaaring ibilang sa sangkatauhan. Malinaw ito, hindi ba?
5. Ang Kanilang Pag-uugali sa Iglesia sa Nagbabagong Sitwasyon
Depende sa pakiramdam ng mga anticristo ang kanilang pagtrato kay Cristo—ilang aspekto ng aytem na ito ang napagbahaginan ngayon-ngayon lang? Tinatrato nila si Cristo sa isang partikular na paraan kapag nahaharap sa pagpupungos, isang aspekto iyon. Ano pa? (Kapag nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, kapag itinataas ang kanilang ranggo o kapag tinatanggal sila, at kapag tinutugis si Cristo.) Sa kabuuan, apat na aspekto iyon. Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan. Tutol ang mga anticristo sa katotohanan, kaya nananalig sila sa Diyos hindi upang matamo ang katotohanan—nananalig sila sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala; mayroon silang sariling mga plano, layunin, at adhikain. Bukod dito, gusto nila ang kapangyarihan at impluwensiya, kaya nananalig sila sa Diyos nang may saloobin nang paghihintay at pagmamasid muna. Paano sila naghihintay at nagmamasid? Ibig sabihin, habang nananalig sila, nagmamasid din sila kung dumarami ang bilang ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, kung paano lumalawak ang gawain ng ebanghelyo, kung maayos ba ito o hindi, at kung patuloy bang lumalawak ang impluwensiya ng sambahayan ng Diyos. Bukod dito, nagmamasid din sila kung dumarami ba ang bilang ng mga tao na gumagawa ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung dumarami ba ang mga taong handang magserbisyo para sa Diyos, at kung dumarami ba ang mga taong handang gumawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos. Nagmamasid din sila sa pinagmulan sa lipunan at antas ng edukasyon ng mga gumagawa ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kung ano talaga ang kanilang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Sa pamamagitan ng pagmamasid, nakikita nila na parami nang parami ang mga taong nananalig sa Diyos, dumarami ang bilang ng mga tao sa sambahayan ng Diyos, at mas maraming tao ang handang talikuran ang kanilang mga pamilya, trabaho, at mga plano upang gawin ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kapag napapansin nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila na hindi na sila puwedeng manatiling walang kibo at na dapat na rin silang maggugol ng kanilang sarili sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sa hanay ng mga gumagawa ng mga tungkulin, upang maging kasapi para magkaroon din sila ng bahagi sa mga pagpapala sa hinaharap. Bagama’t pwede nilang gawin ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at gumanap ng papel doon, hindi nila kailanman isinusuko ang kanilang mga plano at kapalaran, at patuloy silang nagkakalkula sa kanilang puso. Dahil ang grupong ito, ang mga anticristong ito, ay may mga gayong ambisyon at disposisyon, tinutukoy nito na ang kanilang saloobin kay Cristo at sa Diyos ay magbabago habang patuloy na tumataas ang katayuan at kasikatan ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, sa proseso ng paggawa ng kanilang mga tungkulin, sa isang banda, masigasig silang nagpaplano, nagkakalkula, at namamahala para sa kanilang sariling mga plano at kapalaran; sa kabilang banda, nagmamasid din sila sa pag-unlad ng sambahayan ng Diyos, sa impluwensiya nito sa ibang bansa at sa lokal, kung unti-unti bang dumarami ang bilang ng mga tao, kung patuloy bang lumalawak ang saklaw ng iglesia, kung nakikipag-ugnayan ba ang iglesia sa ilang kilalang tao sa lipunan, kung nakamtan ba nito ang isang antas ng katanyagan sa Kanluran, at kung nakapagtatag na ito ng matibay na pundasyon. Patuloy nilang binabantayan at inaalam ang mga bagay na ito. Kahit ang ilang tao na hindi sumasali sa gawain ng iglesia at hindi ginagawa ang kanilang mga tungkulin ay patuloy na nagkakalkula para sa kanilang sariling mga plano at kapalaran, nagpapakita ng malaking interes sa pag-unlad ng iglesia. Kaya, hinahanap nila ang impormasyong ito sa website ng iglesia at nagtatanung-tanong din sila tungkol sa mga bagay na ito sa loob ng iglesia. Kapag nalaman nila na maayos na lumalawak ang gawain ng sambahayan ng Diyos sa ibang bansa at nagiging mas puno ng pag-asa, na mas maayos na lumalawak ang gawain sa Kanluran at umuunlad ang sitwasyon, nakakaramdam sila ng kapanatagan sa kanilang puso. Nagpapahiwatig ba ng tunay na pagbabago sa kanila ang pakiramdam nila ng kapanatagan? (Hindi.) Habang nakakaramdam sila ng kapanatagan, ang kanilang saloobin sa Diyos na nagkatawang-tao, kay Cristo, ay kaunting “pagrespeto” at paghanga lamang, walang tunay na pagpapasakop.
Nang si Cristo ay gumagawa sa mainland Tsina, madalas na napapaisip ang mga anticristo, “Puwede bang maaresto ang diyos na nagkatawang-tao? Puwede ba siyang mapasakamay ng mga namamahalang awtoridad?” Nang mag-isip sila nang ganito, nagkaroon sila ng kaunting paghamak sa “maliit na taong ito.” Nang marinig nila na madalas walang matatawag na tirahan ang Diyos na nagkatawang-tao, walang lugar kung saan maihihilig ang Kanyang ulo, at nagtatago kung saan-saan para maiwasang maaresto, tuluyang nawawasak ang kanilang kaunting pagkamausisa at atubiling “pagrespeto” para sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, nang mabalitaan nila na ang Diyos na nagkatawang-tao, si Cristo, ay nasa Estados Unidos, sa lupain ng kalayaan na pinapangarap ng sangkatauhan, nakaramdam sila ng inggit sa Diyos na nagkatawang-tao—hindi respeto, kundi inggit. Pero nang mabalitaan nila na ang Diyos na nagkatawang-tao ay nasa Kanluran, na tinanggihan, siniraan, kinondena, at hinatulan kabilang ng sangkatauhan, nakaramdam ng matinding emosyon sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga anticristo: “Diyos ka, bakit hindi ka tinatanggap ng mga tao? Diyos ka, bakit hindi ka tinatanggap ng komunidad ng relihiyon, sa halip ay nagpapakalat ito ng napakaraming tsismis tungkol sa iyo? Bakit hindi mo ipagtanggol ang iyong sarili? Dapat kang kumuha ng isang grupo ng mga abogado! Tingnan mo ang mga mapanirang-puring salita sa online, ang mga tsismis na ginawa ng komunidad ng relihiyon na pinagmumukha kang napakasama! Nahihiya kaming sumunod sa iyo, at nakakaasiwa ring banggitin ang mga bagay na ito. Kinokondena ka sa Silangan at sa Kanluran, tinatanggihan ng komunidad ng relihiyon, ng sangkatauhan, ng mundong ito. Nakakawalang-dangal ang sumunod sa iyo.” Ito ang mentalidad ng mga anticristo. Habang nakakaramdam ng kawalang-dangal sa kanilang puso, nagkakaroon din sila ng paghamak at pagsimpatya—isang labis na nag-aatubiling pagsimpatya—para sa “maliit na taong ito” ayon sa kanilang nakikita sa Kanya sa kanilang mga mata at puso. Paano lumitaw ang ganitong pagsimpatya? Inisip nila, “Gumagawa ka ng gayong napakadakilang gawain nang hindi nag-aalala tungkol sa personal na kapakinabangan o kawalan, na puwedeng ituring na walang pag-iimbot na dedikasyon. Ano ba ang nilalayon mo sa pagtitiis ng gayong katinding pagdurusa at pamamahiya? Sa lohikal na pagsasalita, tiyak na mabuti kang tao; kung hindi, paano mo natitiis ang gayong napakatinding pamamahiya at ang gayong napakatinding pasakit? Nakakaawa ito at hindi madali; tiyak na agrabyado ang pakiramdam mo sa iyong puso.” Kaya, nakaramdam sila ng kaunting simpatya para kay Cristo. Inisip nila, “Kung ako ito, hindi ko kayang tiisin ang gayon katinding pagdurusa; ipaglalaban ko ang sarili ko sa sangkatauhan. Sa isang banda, kukuha ako ng isang grupo ng mga abogado para burahin ang mga maling tsismis sa online, at sa kabilang banda, magpapakita ako ng ilang himala at kababalaghan sa komunidad ng relihiyon para makita nila kung sino ang diyos—kung sino ang totoo at sino ang huwad—para patahimikin ang bibig ng mga naninira at kumokondena, para parusahan sila at turuan sila ng leksyon. Hindi ba’t hindi na sila maglalakas-loob na gawin pa ito? Bakit hindi mo gawin iyon? Bakit hindi mo kailanman ipinagtatanggol ang sarili mo? Dahil ba wala kang kapangyarihan, lakas ng loob, o tapang? Ano ba talaga ang nangyayari? Dahil ba sa kaduwagan? Hay, napakarami mong itinatago sa iyong puso, tinitiis mo ang napakalaking kawalang-katarungan at nananatili kang tahimik, patuloy na pinalalawak ang gawain, at matiyaga at taimtim na kinakausap ang mga tao sa iglesia, tinutustusan sila, pero palagi silang may mga kuru-kuro at mapaghimagsik. Siguradong nagdurusa ang iyong puso! Dahil nakikita ko na kaya mong tiisin ang lahat ng ito, talaga ngang mabuti kang tao, karapat-dapat sa simpatya.” Ganoon nabuo ang kanilang pagsimpatya. Ito ang simpatya ng mga anticristo. Mula sa simula ng paglalantad sa mga anticristo hanggang ngayon, ito lamang ang uri ng “kabutihan” na kanilang nagawa. Gaano kahusay na nagawa ang “kabutihang” ito? Tunay ba ito? (Hindi.)
Sinusundan ng mga anticristo si Cristo at tinanggap nila ang mga salita na sinabi ni Cristo sa loob ng maraming taon, pero hindi nila kailanman naramdaman na karangalan ang magawang tanggapin si Cristo bilang kanilang Tagapagligtas sa buhay na ito, at hindi rin nila kailanman naramdaman na karangalan ang magdusa tulad ng pagdurusa ni Cristo, ang makondena at maitakwil ng mundo tulad ni Cristo. Sa halip, itinuturing nila ang mga pagdurusa ni Cristo bilang kalamangan at ebidensya para hamakin at itatwa si Cristo. Wala silang kahandaan o saloobin na makibahagi sa lahat ng pagdurusang ito kasama si Cristo. Sa halip, nakatayo lamang sila at nanonood, pinagmamasdan ang lahat ng pagdurusang tinitiis ni Cristo, pinagmamasdan kung paano tinatrato ng sangkatauhan si Cristo, at ibinabatay nila ang kanilang pagtrato kay Cristo sa mga obserbasyong ito. Kapag iprinoproklama ang pangalan ng Diyos at unti-unting lumalawak ang gawaing ebanghelyo sa lahat ng sangkatauhan, at mukhang maganda ang kinabukasan ng gawaing ebanghelyo, unti-unting lumalapit sa Diyos na nagkatawang-tao ang mga anticristo, nakakaramdam ng kaunting respeto at inggit sa Kanya. Kasabay nito, pinagsisikapan nila nang husto na makalapit sa sambahayan ng Diyos, nagsisikap na maging miyembro ng sambahayan ng Diyos at bahagi ng pagpapalawak ng gawain ng Diyos. Ganoon lang ba iyon? Ganoon lang ba kasimple? Hindi; binabago nila ang kanilang saloobin sa sambahayan ng Diyos at kay Cristo batay sa kalagayan ng pagpapalawak ng iba’t ibang proyekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos, ginagawa ito sa anumang oras at lugar. Kung maririnig nila na sa sangkatauhan, at lalo na sa Kanluran, sinasabi ng isang partikular na lahi ng mga tao, “Tunay na mga salita ng Diyos ang mga salitang ito, talagang may awtoridad ang mga ito! Mula sa mga salita ng Diyos, nakikita namin ang diwa ng Diyos, nakakasiguro kaming Diyos ang ordinaryong taong ito, at ang daang ito ang tunay na daan,” lihim na nagagalak sa kanilang puso ang mga anticristo: “Buti na lang hindi ako umalis; ito nga ang tunay na daan! Tingnan mo, maging ang mga taga-Kanluran ay nagsasabi kung nasaan ang diyos na nagkatawang-tao. Dapat kong pakinggan pa ang kanyang mga salita, kailangan kong magmadali at makinig sa mga sermon!” Sa sandaling ito, nararamdaman ng mga anticristo na ang tinig ng Diyos ay napakaganda, labis na nagpapadalisay sa kanilang kaluluwa, at nararamdaman nilang dapat itong pahalagahan. Gayumpaman, kapag paminsan-minsang nahaharap sa mga kabiguan ang sambahayan ng Diyos sa pagpapalawak ng gawain nito sa ibang bansa at sa sangkatauhan, o kapag nagugulo at naaapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, napapakialaman ng mga panlabas na pwersa, o kahit kapag nakakaranas ng ilang paghihirap ang sambahayan ng Diyos, muling nababahala sa kanilang puso ang mga anticristo: “Nasaan ang diyos na nagkatawang-tao? Nagsasalita ba siya? Paano pinangangasiwaan ang usaping ito? Itinatama ba ng diyos ang mga bagay-bagay? Natakot ba ang hinirang na mga tao ng diyos? May mga umalis na ba sa sambahayan ng diyos? May mga kilalang tao o mataas na tao ba mula sa mundo sa labas na nagsasalita o kumikilos para sa sambahayan ng diyos, o naninindigan para dito? Balita ko ay wala. Ano ang dapat gawin kung gayon? Katapusan na ba ng iglesia ng diyos? Dapat na ba akong umalis habang may pagkakataon pa?” Malaki ba ang kaguluhang ito? Sa sandaling ito, kapag nakikinig silang muli sa mga sermon ng Diyos, iniisip nila: “Huwag ka nang magsalita tungkol sa mga walang kabuluhang salitang iyon o magsalita pa nang napakataas. Hindi na kita pinakikinggan ngayon. Puwedeng lamunin ng mundo ang sambahayan ng diyos anumang sandali; ano pa ang silbi ng mga salitang iyon? Maililigtas ba ng mga ito ang mga tao? Puwedeng mawala sa isang iglap ang impluwensiya ng sambahayan ng diyos; magkakawatak-watak ang mga tao nito nang ganoon-ganoon lang.” Ayaw na nilang makinig sa sinasabi Ko. May natitira pa bang respeto? May natitira pa bang simpatya? (Wala na.) Ano ang natitira? Ang kagustuhan na lamang na manood at mangutya. Nagsasabi ang ilang tao ng masasamang bagay kapag walang nakaririnig, nagsasabi ng mga nakapipinsalang salita, at nagagalak sa mga kasawian ng sambahayan ng Diyos: “Sa tingin ko may paparating na problema, sa tingin ko ay hindi ka makakapanindigan. May silbi ba ang mga katotohanang iyon? Epektibo ba ang iyong mga salita? Ano na ngayon? Dumating na ang problema, hindi ba?” Lumilitaw ang kanilang pagkademonyo. Hindi ba’t lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay kagaya ng gagawin ng mga diyablo? Wala sila ng kahit na pinakabatayang moralidad ng tao; lubos silang buktot, kinakagat ang kamay na nagpapakain sa kanila! Kumakain sila mula sa sambahayan ng Diyos, tinatamasa ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, tinatamasa ang proteksyon at biyaya ng Diyos, pero sa unang tanda ng problema, pumapanig sila sa mga tagalabas, ipinagkakanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at nagagalak sa mga kasawian nito. Ano sila, kundi mga diyablo? Sila ay mga diyablo mula ulo hanggang paa! Kapag nakikita nilang nagiging maganda ang takbo ng sambahayan ng Diyos, lumuluhod sila agad sa harap ng Diyos na nagkatawang-tao, na para bang mga tagasunod sila ng Diyos. Pero kapag nakita nilang kinukubkob at kinokondena ni Satanas ang sambahayan ng Diyos, hindi na sila nagpapatirapa sa harap ng Diyos. Sa halip, nagyayabang sila, naniniwalang masyado silang marangal para lumuhod sa kahit na sino, sabik na naghihintay na kutyain ka. Nagiging mas malakas din ang tono at lakas ng kanilang pananalita kapag kinakausap ka nila; nagsisimula silang magsalita nang mapagmataas, kumikilos nang hindi normal, lumilitaw ang kanilang maladiyablong pagkatao, mabilis na nagbabago. Sabihin mo sa Akin, kailan matatakot ang mga taong ito sa Diyos? (Hindi kailanman.) Mismo, totoong-totoo ang pahayag na iyan. Kauri ni Satanas ang mga taong ito; hindi sila kailanman matatakot sa Diyos dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan—nabibilang sila kay Satanas. Ito ang kalikasang diwa ng mga nabibilang kay Satanas, ang pangit na mukha ng mga anticristo, na nabibilang kay Satanas. Palagi nilang handang kutyain ang sambahayan ng Diyos, palaging naghahanap ng pagkakataon na laitin ang Diyos na nagkatawang-tao, palaging naghahanda at nagtitipon ng mga materyales para itatwa si Cristo at itatwa ang diwa ng Diyos, at palagi silang handang pumanig sa mga tagalabas at ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kapag mas maraming problema ang kinakaharap ng sambahayan ng Diyos, mas masaya at mas nagagalak ang mga anticristo. Kapag normal na nagagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin at maayos ang lahat ng tungkol sa gawain sa sambahayan ng Diyos, hindi sila komportable at hindi nasisiyahan, nagnanais na dumating agad ang mga problema sa sambahayan ng Diyos, umaasang hindi magpapatuloy nang maayos ang gawain ng sambahayan ng Diyos, na makakaranas ito ng mga pagkabigo at balakid. Sa madaling salita, kung maayos ang lahat sa sambahayan ng Diyos, at normal na nagagawa ng mga kapatid ang kanilang mga tungkulin at kumikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, walang kagalakan sa kanilang puso ang mga anticristo. Kapag nakikinig sa mga salita ng Diyos ang mga kapatid, nagsasagawa ayon sa Kanyang mga salita, dinadakila ang Diyos at si Cristo, at nagagawang magpatotoo at dakilain si Cristo, ito ang pinaka-hindi makayanan na panahon para sa mga anticristo, ang panahon na sila ay pinakahinahatulan at pinahihirapan.
Nagtatanong ang mga anticristo tungkol sa iba’t ibang balita sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi nila malaman sa loob ng mahabang panahon kung paano umuusad ang pagpapalawak ng gawain ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos, kung paano umuunlad ang iba’t ibang propesyonal na gawain sa sambahayan ng Diyos, kung maayos bang nagpapatuloy ang mga ito, kung dumarami ba ang bilang ng mga tao sa ibang bansa, kung lumalawak ba ang saklaw ng iglesia, kung naitatag na ba sa iba’t ibang bansa ang mga iglesia, o kung hindi nila mabalitaan na mas maraming indibidwal na may potensyal o mga kilalang tao sa lipunan ang pumapasok sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila na nakakaburyo at hindi interesante ang pananalig sa Diyos na nagkatawang-tao. Tumitigil sila sa pagbibigay pansin sa Diyos na nagkatawang-tao at naiisipan pa nga nilang sumali sa ibang mas masigla o mas maimpluwensiyang mga denominasyon. Gayumpaman, kapag minsan ay nakakarinig sila ng ilang magandang balita tungkol sa sambahayan ng Diyos, tulad ng mga video ng mga patotoo ng mga kapatid na nakakakuha ng interes at nakakakuha ng malaking atensyon ng ilang organisasyon ng karapatang pantao, napupuno ng kaligayahan, pag-asa, at kagalakan ang kanilang puso. Halimbawa, kung napapansin o ibinabalita ng isang kilalang grupo ang sambahayan ng Diyos, mas lalo silang natutuwa at nasasabik: “Mukhang hindi naman talaga simple ang ordinaryong taong ito; mukhang may makakamit siyang isang dakilang bagay!” Kung ang pangalan ng iglesia ay maswerteng mabanggit ng isang kilalang tao o maging ng isang lider, mas lalong napupukaw ang mga anticristo: “Sa buhay na ito, ginawa ko ang pinakamalaki at pinakatamang desisyon, iyon ay ang sumunod sa makapangyarihang diyos. Mula ngayon, napagpasyahan kong hindi na kailanman iwan ang makapangyarihang diyos, na ituring siya bilang diyos, at igalang siya sa aking puso, dahil ang diyos na ito ay iginagalang ni ganito at ganoong lider. Kung iginagalang siya ng lider na ito, dapat ko rin siyang igalang. Nabanggit at kinilala ng mga lider ang diyos na ito, kaya ano pa ang pagsisisihan kung mananalig at susunod sa kanya? Hindi ba’t dapat ko siyang sundan nang mas matatag? Mula ngayon, determinado akong hindi na kailanman maisip pa ang ideya ng pag-alis sa ang iglesia ng makapangyarihang diyos. Dapat kong pagbutihin ang aking pagganap, pagtiisan ang mas maraming pagdurusa, bayaran ang mas malaking halaga, sumangguni nang mas madalas sa mga kapatid kapag gumagawa ng mga bagay, at sundin kung ano man ang sinasabi ng iglesia. Baka sa hinaharap, habang lumalawak at mas nakikilala ang iglesia, baka makakuha ako ng mataas na ranggo at maging tanyag!” Habang iniisip ito, sa kanilang puso ay natutuwa sila: “Sobrang ganda, sobrang tama ng naging desisyon ko! Napakatalino ko! Naisip ko pang umalis noon—napakahangal at mangmang ko noon! Bata pa ako noon at padalos-dalos, madaling gumawa ng mga maling desisyon at paghatol. Ngayong mas matanda na ako, naging mas matatag na ako at alam ko na kung paano magtago, at sa wakas nakakita na ako ng pag-asa. Buti na lang hindi ako umalis, hindi ako naniwala sa mga tsismis na iyon, at hindi ako nalihis o naimpluwensiyahan ng mga iyon. Napakamapanganib niyon! Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap. Mukhang ekstraordinaryo ang taong ito, at kailangan ko siyang tratuhin nang mabuti!” Sa kanilang pagkasabik at pagpapadalos-dalos, bumili sila ng ilang produktong pangkalusugan at ng ilang magandang bagay upang ialay, isinusulat sa mga ito: “Iniaalay sa aking minamahal na Diyos, kasama ang mga sumusunod na bagay.” Sa ibaba, nilagdaan nila: “Espesyal na iprinisenta, magalang na isinumite ni ganito at ganoong tao sa ganito at ganoong petsa.” Isang espesyal at mahalagang regalo ito, pero may kuwento, may lihim na motibo sa likod nito. Kapag narinig ninyo ito, hindi ba’t sasabihin ninyo, “Ganito Mo ba nauunawaan ang mga alay na ibinibigay ng mga tao sa Diyos”? Hindi sa nauunawaan Ko ito sa ganitong paraan, at hindi lahat ng tao ay kumikilos sa ganitong paraan, at hindi lahat ng alay ay may ganitong mga motibo. Gayumpaman, hindi maikakaila na talagang naiimpluwensiyahan at idinudulot ng mga gayong layunin at gayong pinagmulan ang pag-aalay ng ilang tao. Obhetibong pananaw ba ito? (Oo.)
Kapag kinakalkula ng mga anticristo ang lahat ng bagay sa kanilang isipan, sariling interes ang kanilang pangunahing isinaalang-alang. Makasarili at kasuklam-suklam sila, may sariling kalkulasyon sa lahat ng bagay. Tungkol sa pag-usad ng iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos, karamihan sa mga naghahangad sa katotohanan, pati na rin ang karamihan sa mga ordinaryong mananampalataya, ay hindi nais malaman o usisain ang tungkol sa mga usaping ito, dahil walang kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan ang pagkaalam sa mga pangkalahatang usaping ito. Walang silbi ang kaalaman tungkol sa mga ito; hindi ibig sabihin na may taglay kang buhay o katotohanan, ni hindi rin nangangahulugan na ang hindi pagkaalam sa mga ito ay nagpapahiwatig na maliit ang tayog mo. Ang mga usaping ito ay walang kaugnayan sa katotohanan at hindi nakakatulong sa pag-unawa sa katotohanan o sa pagkakaroon ng takot sa Diyos. Isang antas ito na puwedeng marating ng mga taong may katwiran. Gayumpaman, kumakapit nang mahigpit ang mga anticristo sa mga usaping ito, itinuturing ang mga ito bilang ang pinakamataas na katotohanan. Nagtatanong sila at nangangalap ng impormasyon tungkol sa mga usaping ito. Pagkatapos mangalap ng impormasyon tungkol sa mga usaping ito, hindi nila ito sinasarili; ipinapakalat nila ito sa lahat ng lugar, naniniwala silang mausisa ang bawat kapatid tungkol sa mga bagay na ito, kahit sa realidad, maraming tao ang hindi interesado. Ako mismo ay bihirang magtanong tungkol sa mga bagay na ito. Kung sakaling makatagpo Ko ang isang taong sangkot, maaaring mag-usap kami tungkol dito, pero hindi Ako aktibong naghahanap ng mga tao para magtanong. May isang sitwasyon lamang kung saan nagtatanong Ako: tungkol sa kung paano dapat gawin ang ilang gawain, ang pag-usad ng inyong gawain, at kung may mga problema o pagkukulang ba. Sa sitwasyon lamang na ito Ako nagtatanong, pero bukod dito, talagang hindi Ako nagtatanong dahil sa pagkamausisa o alalahanin. May kinalaman lamang sa gawain ang mga tanong Ko, hindi sa pinagmulan ng impormasyon o pagkamausisa. Ang mga anticristo, na hindi nagmamahal sa katotohanan, ay mahilig usisain ang mga bagay na ito, at may partikular silang layon sa paggawa nito. Ginagamit nila ang mga panlabas na sitwasyon at kapaligiran, kabilang na ang mga kalagayan ng iglesia sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang denominasyon, lahi, at grupong etniko, para hatulan ang pagiging tama o mali ng gawain ng Diyos at para hatulan pa nga kung si Cristo ba ang Diyos. Anong klaseng mga nilalang sila? Nananampalataya ba sila sa Diyos? Malinaw na sila ay mga hindi mananampalataya. Gaano man karaming katotohanan ang iyong ibahagi, hindi nila ito marinig o maunawaan. Gayumpaman, nagtatanong sila nang detalyado tungkol sa mga panlabas na pagsusuri ng iglesia at sa katayuan at sitwasyon ng iglesia sa iba’t ibang bansa, halos hindi na sila maipag-iiba sa mga hindi mananampalataya. Ito ang mga pagpapamalas ng mga hindi mananampalataya na may lihim na adyenda. Mayroon bang mga gayong tao sa paligid ninyo? Maaaring hindi ninyo napansin. Sa tuwing nagtitipon tayo at inilalantad natin ang iba’t ibang diwa ng mga anticristo, nakokondena ang ilan sa mga taong ito. Kapag nabubunyag, nagkukubli ang kanilang tunay na kulay, at hindi sila naglalakas-loob na ipakita ang kanilang sarili. Lalo na pagkatapos ng pagbabahaging ito, may ilang tao na hindi na maglalakas-loob na magtanong. Pero kahit hindi na sila maglakas-loob na diretsahang magtanong, patuloy pa rin silang nangangalap ng mga tsismis kapag walang nakatingin. Tumitigil sila sa pagtatanong sa mga kapatid pero palihim na nagtatanong sa internet. Bukod dito, nagsusumikap silang malaman kung ano ang iniisip at sinasabi ng mga walang pananampalataya, mga denominasyon, at mga bansang Kanluranin tungkol sa ating iglesia, halos parang nababaliw na sila. Hindi ba’t medyo kabaliwan na ito? Nahuhumaling sila, hindi nila mapigilan ang kanilang sarili. Hindi mapapangatwiranan ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan at tutol sa katotohanan.
Ang inilantad natin ngayon ay kung paano tinatrato ng mga anticristo ang iglesia at ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos ayon sa kalagayan ng iglesia at sa pagpapalawak ng gawain ng Diyos. Isang aspekto ito ng kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo batay sa kanilang pakiramdam. Nangyayari ba sa iglesia ang mga bagay na ito na tinalakay Ko? Seryoso ba ang mga usaping ito? Karapat-dapat bang banggitin ang mga ito? (Oo.) Ano ang halaga ng pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito? Ibig bang sabihin na pagkatapos marinig ito, hindi na maglalakas-loob ang ilang tao na magtanong tungkol sa mga bagay na ito, hindi na maglalakas-loob na maging mausisa tungkol sa sitwasyon at kalagayan ng iglesia? Iyon ba ang tanging halaga? (Hindi.) Kung gayon, ano ang halaga sa paglalantad ng mga bagay na ito? Anong katotohanan ang dapat maunawaan ng mga tao mula rito? Kung hindi pa ninyo ito napag-iisipan, puwede kayong hindi magsalita. Ibabahagi Ko ito sa inyo sa huli. Ang mga usaping ito ay masyadong malayo sa inyo, kaya maaaring mahirapan kayong ipahayag agad ang mga ito. Kailangan ninyong pag-isipan at ayusin ang inyong mga salita; maaaring hindi ninyo alam kung saan magsisimula, o maaaring hindi ninyo ito maipahayag nang malinaw. Ang dami ng mga bagay na nauunawaan ng mga tao ay napakakaunti, nakakalungkot talaga. Ang hindi magawang ipaliwanag nang malinaw ang diwa at dahilan ng isang usapin ay isang palatandaan ng hindi pagkaunawa sa mga bagay-bagay.
Kapag nananalig ang mga tao sa Diyos sa langit at ginugugol ang kanilang sarili at ginagawa ang kanilang mga tungkulin para sa Diyos, masasabi na pare-pareho lang para sa mga tao ang konsepto ukol sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, at sa Diyos. Itinuturing na paggugugol ng sarili para sa Diyos ang paggawa sa tungkulin ng isang tao sa iglesia; ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos ay pareho sa paggawa ng mga bagay para sa iglesia, at ito rin ay pagiging tapat sa Diyos at pagtanggap sa atas ng Diyos. Pwedeng talakayin ang mga ito nang palitan at itinuturing bilang iisang konsepto. Gayumpaman, kapag nagiging tao ang Diyos at nagpapakita bilang isang ordinaryong tao, para sa karamihan ng mga tao, ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang Diyos (ibig sabihin, si Cristo) ay madaling paghiwa-hiwalayin. Iniisip ng mga tao, “Ang paggawa ng mga bagay para sa iglesia ay pareho ng paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, para sa Diyos; ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos ay paggawa ng tungkulin. Pero pagdating sa paggawa ng mga bagay para kay Cristo, hindi ako masyadong sigurado. Hindi ba’t nagpapahiwatig iyon ng pagseserbisyo sa isang tao? Para itong paggawa para sa isang tao.” Sa kaibuturan ng puso ng marami, mahirap na pag-ibahin nang malinaw at pag-ugnayin ang tatlong ito. Para sa karamihan ng mga tao, kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ito ang kanilang pangunahing konsepto sa kung para kanino nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin: Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin sa loob ng iglesia, ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin alang-alang sa entidad na siyang ang iglesia, ang designasyong ito. Kung gayon, sino ang tinatawag na nakatataas sa iglesia? Siyempre, ito ang Diyos sa langit, na hindi makukuwestyon sa isipan ng lahat. Nauunawaan ng karamihan ng mga tao bilang pagseserbisyo sa titulo at grupo ng mga kapatid ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng Diyos, at siguradong puwede itong ikategorya bilang paggawa sa tungkulin; paggawa ito sa tungkulin, na siyempre ay nakatuon din sa Diyos. Samakatwid, sa mga isipan ng mga tao, puwedeng ituring na magkakapareho ang iglesia, ang mga kapatid, at ang sambahayan ng Diyos, lahat ay tinatarget ang malabong Diyos sa langit. Ano ang ipinapahiwatig nito? Para sa karamihan ng mga tao, sa sambahayan ng Diyos, sa paggawa man ng kanilang mga tungkulin o sa pamamahala ng mga usapin, ginagawa nila ito para sa iglesia bilang isang hindi nakikitang institusyon, sa nakikitang grupo ng mga kapatid, at lalo na sa malabo, di-nakikitang Diyos sa langit—ginagawa nila ang kanilang tungkulin para sa tatlong ito. Tungkol naman sa Diyos na nagkatawang-tao, maaari Siyang ituring ng mga tao bilang isang miyembro ng iglesia, o bilang ang pinakamataas na lider sa mga kapatid, at siyempre, ang pagkakaunawa rin ng ilan kay Cristo ay ang tagapagsalita o kinatawan ng sambahayan ng Diyos. Samakatwid, para sa maraming tao, napakalabo ng konsepto ng kung para kanino nila ginagawa ang kanilang mga tungkulin sa iglesia. Halimbawa, kung hihilingan ang isang tao na gawin ang isang bagay para sa mga kapatid, o na magserbisyo, nararamdaman nilang ganap na makatwiran na gawin ito. O kung hihilingin sa kanilang gawin ang isang bagay para sa iglesia o sambahayan ng Diyos, masaya silang gawin ito, pakiramdam nila na hindi maitatatwa na ito ang kanilang tungkulin. Gayumpaman, kung inuutos o ipinagkakatiwala sa kanila ng nagkatawang-taong Cristo ang kaparehong gawain, pinanghihinaan sila ng loob: “Gumawa para sa isang tao? Hindi ako nanampalataya sa diyos para maglingkod sa mga tao; nandito ako para gawin ang aking tungkulin. Hindi ako nandito para magsilbi sa isang tao, hindi ako nandito para maglingkod o magserbisyo para sa isang tao!” Maraming tao ang gumagawa sa kanilang tungkulin sa iglesia. Kung hihilingin mo sa kanilang gawin ang isang bagay para sa iglesia, para sa sambahayan ng Diyos o sa mga kapatid, tinatanggap nila ang mga tungkuling ito nang may kagalakan, pakiramdam nila ay may matibay silang batayan para gawin ito. Anong batayan? “Tinatanggap ko ito mula sa diyos; ito ang aking tungkulin, ang aking responsabilidad.” Pero kapag hinilingan sila ng nagkatawang-taong Diyos na gawin ang isang bagay, nawawala ang kanilang teoretikal na batayan ng “pagtanggap mula sa diyos,” at nagiging atubili at malungkot sila, ayaw nilang gawin ito. Iniisip nila, “Kung para ito sa iglesia, ayos lang, dahil isa akong taong gumagawa ng gawain para sa iglesia; kung para ito sa mga kapatid, ayos lang din iyon, dahil kabilang silang lahat sa sambahayan ng diyos, sa diyos; kung para ito sa sambahayan ng diyos, dahil ang pangalan na ‘sambahayan ng diyos’ ay napakabanal, napakadakila at marangal, kaya ganap na makatwiran ang paggawa ng mga bagay para sa sambahayan ng diyos, at nagdadala ito ng karangalan at pagkilala. Pero ang gumawa ng isang bagay para sa isang walang halagang taong tulad mo, ano ba iyon? Paggawa ba iyon sa aking tungkulin? Hindi yata ito tama o angkop. Hindi ito paggawa sa aking tungkulin, ni hindi ito pagtatrabaho. Paano ko ito dapat ituring?” Nag-aalangan sila, hindi nila alam kung paano ito haharapin. Iniisip nila, “Hindi ito gawain, ni hindi ito paggawa sa aking tungkulin, at siguradong hindi ito kapaki-pakinabang sa mga kapatid. Kung hihilingin mo na gawin ko ito para sa iyo, sige, gagawin ko ito nang simple, pero hindi ako matutuwa o masisiyahan dito. Tila hindi ito tama o angkop! Sino ang makakaalala o makakaalam ng ginagawa ko para sa iyo? Makukuha ba nito ang pabor ng sinuman? Magkakamit ba ako ng gantimpala dahil dito? Maituturing ba itong paggawa ko sa aking tungkulin? Dapat ko bang gawin ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo?” Sa kanilang puso ay ayaw nilang gawin ito, pakiramdam nila na isa itong abala, hindi kinakailangan, tulad ng pagtanggap ng isang gawain na hindi nila dapat tanggapin. Nababahala sila at atubiling ginagawa ito, habang umaasang makakakuha ng ilang pakinabang, at lantaran pa ngang ipinapahayag, “Ayaw kong gawin ito,” nagpapakita ng matinding pag-aatubili. Sinasabi Ko, kung ayaw mong gawin ito, hindi mo ito kailangang gawin. Hindi Ko pinupwersa ang sinuman na gumawa ng mga personal na gawain para sa Akin. Kung gusto mo itong gawin, gawin mo ito; kung hindi, hahanap Ako ng iba. Kung sino man ang handa, siya ang uutusan Ko. Hindi ba’t simple lang iyon? Sa dami ng tao na sumusunod sa sambahayan ng Diyos, madali lang makahanap ng isang taong sasang-ayon at handang gawin ang gawain. Kaya Kong makahanap ng gayong tao. Hindi kailangang ikaw ang piliin; napakadali nito! Mahirap bang makahanap ng isang tao sa sambahayan ng Diyos na maaasahan, taos-puso, at may kakayahang mag-asikaso ng mga gawain? (Hindi.) Bagaman hindi Ako nagkaroon ng partikular na malapit o magandang ugnayan sa sinuman sa pribado, at wala Akong naging mga personal na kaibigan o malalim na emosyonal na koneksyon, sa loob ng tatlumpung taong ito, ang Aking mga salita ang kinakain at iniinom at pinakikinggan ng lahat ng tao sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nananalig at sumusunod sa Akin ang mga taong ito, sa kanilang diwa man o sa kaibuturan ng kanilang puso, sa panlabas o sa salita. Bagaman hindi Ko direktang binigyan ng mga espesyal na benepisyo o pangako ang sinuman, ni hindi Ko direktang pinuri o itinaas ang ranggo ng sinuman, lahat ng sumunod sa Akin mula sa simula hanggang ngayon ay kumakain at umiinom ng maraming salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga sinabi Ko, naunawaan man ng mga taong ito ang kaunting katotohanan o naunawaan ang mga doktrina ng sariling asal, hindi ba’t nagtamo silang lahat ng marami-rami? (Oo.) Mula sa perspektibang ito, wala dapat Akong pagkakautang sa inyo, tama? Hindi Ko dapat sabihin ito, pero kailangan Ko ito ngayong banggitin dito. Hindi ba’t kayo ang may pagkakautang sa Akin? (Oo.) Kaya, kung personal Kong hihilingin sa sinuman sa inyo na gawin ang isang bagay, hindi kayo dapat umayaw, tama? (Handa kami.) Mula sa anumang perspektiba, kapag hiniling Ko sa inyo na gawin ang isang bagay, dapat pa ba Akong mambola o sumipsip sa inyo, o magsabi ng mga salitang masarap pakinggan at mga pangako? (Hindi.) Pero hindi handa ang ilang, na nagsasabing: “Bakit sobrang hindi nakakaganang gumawa ng isang bagay para sa iyo? Bukod sa walang pakinabang, nakakapagod at nakakaabala pa ito!” Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? (Nagagalit.) Kung ang isang ordinaryong tao, hindi kapansin-pansin sa mata ng mundo, ay binisita ng isang mataas na opisyal na nagkatiwala sa kanya ng isang gawain, puwede niyang subukang bolahin ang opisyal gamit ang lahat ng paraan, tuwang-tuwa siya at nararamdaman niyang isa itong karangalan, at hindi niya kailanman makakalimutan ang maliit na bagay na iyon sa buong buhay niya. Kung natatrato nang ganito ng mga tao ang isang taong may katayuan, bakit hindi nila ito magawa para kay Cristo? Bakit hindi nila ito maisakatuparan? Bakit kaya? (Dahil likas na mapanlaban sa Diyos ang mga tao.) Tama iyan; pinatutunayan lamang nito ang puntong iyon. Puwedeng maging katugma ng isang Satanas na may mataas na katayuan ang mga tao, pero sa kanilang puso ay hinahamak nila si Cristo, nilalabanan, itinatakwil, itinatatwa, at inaabandona Siya. Kung hihilingin sa kanila na lumuhod at sumamba sa isang diyablo, masaya silang gagapang, pero pagdating kay Cristo, sa ordinaryong taong ito, na mula sa Kanya ay napakarami nilang natanggap, hindi sila handang tumayo man lang at makipag-usap o makipag-ugnayan sa Diyos bilang kapantay. Ano ang mga gayong nilalang? Malademonyo sila, hindi tao. Kalaunan, hiniling Ko sa ibang tao na gawin ang gawain, at ang taong ito ay maayos. Sinabi ng taong naghatid ng mensahe tungkol dito na: “Talagang masaya ang taong nag-aasikaso sa gawain sa pagkakataong ito, handang-handa siyang gawin ang isang bagay para sa Diyos.” Sinabi Ko, “Sige, kung handa siya, mabuti iyon. Pero ano ba ang espesyal sa paggawa ng isang maliit na gawain? Inaasahan na ito, hindi na kailangan pang magpadala ng mensahe para ideklara ito.” Ano ang tingin ninyo tungkol sa mensahe na iyon na ipinadala? Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo ito? Nanlalamig ba kayo? (Oo.) Bakit kayo nanlalamig dito? (Isang bagay ito na dapat gawin ng mga tao, pero sinusubukan nilang magpalakas sa harap ng Diyos, na para bang isang malaking pabor sa Diyos ang paggawa ng isang bagay para sa Diyos.) Kaya, anong klaseng tao ang nagsabi nito? Ano ang kanyang karakter? (Mababa ang kanyang karakter, wala siyang konsensiya.) Kawalan ito ng pagkatao.
Para sa ilang tao, sa sandaling marinig nila ang tungkol sa biyaya at mga pagpapala ng Diyos, tungkol sa pagtutustos ng Diyos sa tao, labis na naaantig ang kanilang puso, at walang tigil nilang pinasasalamatan ang Diyos: “Mahal na mahal ng diyos ang tao!” Labis silang nasasabik! Sa tuwing binabanggit ang mga paksang ito, napupuno ng luha ang mga mata ng mga taong ito, naaantig ang kanilang puso, at nagpapasya sila na masigasig na igugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Pero kapag hinihiling sa kanila na gawin ang maliit na bagay para sa nakikita at nahahawakang Diyos na nagkatawang-taong ito, nakakaramdam sila ng labis na kahihiyan, pag-aatubili, at pag-ayaw. Ano ang nangyayari dito? (Nananampalataya sila sa isang malabong Diyos, hindi sa Diyos na nagkatawang-tao. Itinuturing nila ang malabong Diyos sa langit bilang dakila, pero nakikita nila ang Diyos na nagkatawang-tao bilang walang halaga.) Narinig Ko na handang-handa ang ilang tao na maglinis ng sapatos, maglaba ng medyas, at ipaglaba pa nga ang mga kapatid, pero kapag hinihiling sa kanila na gawin ang maliit na bagay para kay Cristo, ayaw nila. Hindi ito matiis ng iba at sinasabing, “Ano ang problema ng taong ito? Mas gugustuhin pa nilang gumawa ng mga bagay para sa mga kapatid kaysa para kay Cristo. Anong klaseng tao ito?” Kapag inatasan Ko ang ilang tao ng isang gawain, na kailangan nilang kumilos ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at sa mga regulasyon ng iglesia, ay hindi ito siniseryoso pagkarinig dito. Sinasabi nila: “Anong sinasabi mo? Kailangan kong tanungin ang mga kapatid; kailangan kong isaalang-alang ang mga kapatid, para makinabang ang karamihan sa kanila.” Halimbawa, inatasan Ko ang ilang tao na magtanim ng mga puno ng prutas at inutusan Ko rin silang pumunta sa palengke upang tingnan kung anong uri ng mga puno ng prutas ang angkop na itanim sa lugar na ito. Sa isang panig, dapat angkop ang mga ito sa lokal na klima at lupa, at sa isa pang panig, dapat nating tingnan kung anong mga prutas ang itinuturing ng mga lokal na may mataas na nutrisyon at ang mga iyon ang itanim sa tamang bilang. Pagkatapos Kong magsalita, paano dapat kumilos ang mga nakarinig sa Akin? (Dapat agad nilang gawin ang Iyong sinabi.) Paano nila ito dapat ipatupad? (Dapat silang magsaliksik ng mga kaugnay na impormasyon, magtanong sa mga taong may kaalaman, alamin ang ilang detalye, at pagkatapos ay ipatupad ito.) Pagsunod sa Aking mga tagubilin ang pagpapatupad sa ganitong paraan, na isaalang-alang ang lokal na klima at suriin din kung anong mga prutas ang masustansya. Ngayon, sa tingin ninyo, komprehensibo at praktikal ba ang Aking mga isinasaalang-alang? Gayumpaman, paano ito ipinatupad ng mga nakarinig sa Aking mga salita? Tinanong nila ang mga opinyon ng lahat ng kapatid sa lokal na iglesia, tinanong ang lahat kung anong mga prutas ang gustong kainin ng mga ito, at pagkatapos ay binilang ang mga paboritong prutas ng lahat para iyon ang kanilang itatanim ayon sa dami at proporsyon. Ganito nila ito ipinatupad. Inalam nila ang mga opinyon ng mga kapatid, itinuturing na ang grupong ito, ang titulong ito, ang pinakamataas sa kanilang puso. Ang pagseserbisyo sa mga kapatid ang layon at pakay ng kanilang tungkulin. Naniniwala sila na ang pagseserbisyo sa mga kapatid ay pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos, at ang pagseserbisyo sa sambahayan ng Diyos ay pagseserbisyo sa mga kapatid. Kung masaya at kontento ang mga kapatid, masaya at kontento rin ang Diyos. Ang mga kapatid ang mga ganap na kinatawan ng Diyos, ang mga simbolo ng katotohanan, at ang mga tagapagsalita ng Diyos. Ang mga kapatid ang magpapasya; sila ang pangunahing sandigan sa sambahayan ng Diyos. Samakatwid, anuman ang gawin, hindi ito maihihiwalay sa titulo at grupo ng mga kapatid. Para sa sinumang gumagawa ng mga bagay o gumagawa ng kanilang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, ang mga kapatid lang ang tamang mga pakay ng kanilang pagseserbisyo. Ganito nila ito ipinatupad; walang halaga ang sinabi Ko. Gaano man kadetalye ang Aking mga tagubilin, mga walang kabuluhang doktrina lamang ang mga ito para sa kanila, mga islogan lamang. Naniwala sila na ang pagtutulot sa mga kapatid na ganap na ipahayag ang mga opinyon ng mga ito, pagbibigay sa mga ito ng sapat na karapatan sa pagsasalita at pagdedesisyon, at pagsasagawa ng demokrasya sa sambahayan ng Diyos, ang pinakamataas na katotohanan. Anuman ang sabihin Ko, ganito ang pananaw nila: “Wala talagang saysay ang mga sinasabi mo, pormalidad lang ito, at pagkatapos ay usapin na ito ng mga kapatid, hindi mo na ito usapin. Puwede ka nang tumabi! Walang kinalaman sa iyo ang kinakain at iniinom namin; magbigay ka lang ng pera at ayos na iyon. May pagkain at inumin kami, at iyon ang pinakamataas na katotohanan. Ang pagseserbisyo sa sambahayan ng diyos, pagseserbisyo sa mga kapatid, pagpapasaya sa mga kapatid, pagtutulot sa kanila na matamasa ang ganap na karapatang pantao at kalayaan, ito ang pinakamataas na katotohanan.” Anong klaseng mga tao ang mga ito? Hindi ba’t ito ang gagawin ng mga anticristo? Ang unang pagpapamalas ng mga anticristo ng pagiging tutol sa katotohanan ay iyong kinokondena at itinatatwa nila ang katotohanan; pagkatapos, nagkakaroon sila ng alternatibong mga teorya at islogan na pinaniniwalaan nilang mabisa at may katuturan na ipatupad, hayagang nilalabag ang katotohanan, hayagang kinokondena at tinatakwil si Cristo. Sa gayon kaliit na bagay nabubunyag ang mga anticristo. Mga tao ba silang tumatanggap sa katotohanan? (Hindi.)
Madalas Kong marinig na sinasabi ng ilang tao, “Naku, tingnan mo kung gaano kalungkot ang mga kapatid”; o, “Naku, tingnan mo kung gaano kasaya ang mga kapatid”; o, “Naku, tingnan mo kung gaano nanlulumo ang mga kapatid; talagang nagdurusa sila.” Bakit napakataas ng katayuan ng mga kapatid sa kanilang puso? Bakit mahal na mahal nila ang mga kapatid? Ang mahalin ang napakaraming tao, gaano sila kabait? Sige; magsasabi Ako ng isang bagay at gagawin mo ang sasabihin Ko, okey? Kung kaya mong tanggapin ang napakaraming tao, hindi dapat maging problema ang pagdagdag ng isa pang taong tulad Ko, tama? Kaya mo rin dapat Akong tanggapin? Sa kabaligtaran, hindi nila kayang tanggapin ang sinasabi Ko, ni Ako ay hindi nila kayang tanggapin. Kaya nilang tanggapin ang lahat ng kapatid, kaya nilang tanggapin ang lahat sa iglesia, pero sadyang hindi nila kayang tanggapin si Cristo. Anong klaseng nilalang ito? Tao ba ito? Karapat-dapat ba ang gayong tao na maging tagasunod ni Cristo? (Hindi.) Kung gayon, paano natin sila dapat tukuyin? (Isang diyablo, isang anticristo.) Hindi ba’t mali sila ng interpretasyon sa konsepto ng demokratikong halalan sa sambahayan ng Diyos? Ang pagsangkot sa mga kapatid sa mga usapin ng sambahayan ng Diyos, pagtutulot sa kanilang ipahayag ang kanilang mga opinyon, pagtutulot sa kanilang ihalal at palitan ang mga lider, at pagtutulot sa kanilang magdesisyon—iniisip ba nila na ang mga kapatid ang pinakamataas sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t mali itong pagkaunawa sa demokratikong halalan sa sambahayan ng Diyos? Ano ang prinsipyo ng demokratikong halalan? Ang pagtutulot ba sa mga kapatid na bumoto nang demokratiko ay nangangahulugang sila ang may huling pasya? Nangangahulugan ba ito ng pagtutulot sa mga tiwaling disposisyon ng tao na magkaroon ng huling pasya? Nangangahulugan ba ito ng pagtutulot sa mga diyablo at mga Satanas na humawak ng kapangyarihan? Hindi, nangangahulugan ito ng pagtutulot sa katotohanang nauunawaan sa puso ng mga kapatid na humawak ng kapangyarihan, hindi ang mga kapatid mismo, ang mga likas at tiwaling taong ito. Hindi ito pagtutulot sa kapusukan na humawak ng kapangyarihan, hindi pagtulot sa mga kuru-kuro ng tao na humawak ng kapangyarihan, hindi pagtutulot sa paghihimagsik at paglaban ng tao na humawak ng kapangyarihan, at hindi pagtutulot sa mga buktot na disposisyon ng tao na humawak ng kapangyarihan—ito ay pagtutulot sa katotohanan na humawak ng kapangyarihan. Nagtatanong ang ilang tao, “Bakit nahahalal ang mga anticristo sa ilang halalan sa iglesia, o bakit gumagawa ng mga maling desisyon ang mga lider at manggagawa ng iglesia?” Iyon ay dahil masyadong mababa ang tayog ng mga tao; hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila nakikilatis ang mga tao. Gayumpaman, batay sa mga katotohanang prinsipyo ang prinsipyo ng mga halalan sa iglesia; nakabatay ito sa katotohanan. Kaya, ang mga anticristong ito—iyong mga walang espirituwal na pang-unawa—ano ang kanilang maling pinaniniwalaan? Iniisip nila na sa sambahayan ng Diyos ay dinadakila ang mga kapatid, na itinataas ang mga kapatid, na kagalang-galang sa mga mata ng Diyos ang titulo at grupo ng mga kapatid. Pero sa katunayan, kagalang-galang ba ang mga kapatid? Taglay ba nila ang katotohanan? Walang taglay na katotohanang realidad ang karamihan sa mga kapatid, wala silang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos, at puwede pang magdulot ng kaguluhan sa iba’t ibang proyekto sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi dahil sa interbensiyon at napapanahong pagtatama at paglutas mula sa Itaas sa mga problema, magagawa ba ng mga kapatid na ito na gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bukod sa hindi nila magagawa nang maayos ang kanilang mga tungkulin, pwede rin silang magdulot ng maraming kaguluhan at pagkagambala. Mayroon bang katotohanan ang mga taong ito? Karapat-dapat ba silang dakilain? Hindi. Kung gayon, bakit kumikilos pa rin nang ganito ang mga anticristo? Ito ang kanilang kalikasan. Naghahanap sila ng maidadahilan upang itatwa ang katotohanan at kondenahin si Cristo—hindi ba’t ito ang kanilang kalikasan? Mayroon silang kalikasan ni Satanas; hindi nila ito napipigilan!
Ang pangunahing tuon ng pagbabahaginan ngayon ay depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo. Nauugnay sa pakiramdam ng mga anticristo ang lahat ng aspekto ng ating pinagbabahaginan. Sa panlabas, tila ganito, pero sa katunayan, paano lumilitaw ang pakiramdam na ito? Natutukoy ito ng tiwaling disposisyon at diwa ng mga anticristo. Dahil sa pagkakaroon ng diwa ng isang anticristo, nagkakaroon sila ng lahat ng uri ng kaisipan, at sa ilalim ng pamamahala ng iba’t ibang kaisipang ito, nagkakaroon sila ng iba’t ibang kuru-kuro, pananaw, perspektiba, at paninindigan, na nagbubunga ng iba’t ibang pakiramdam. Pagkatapos lumitaw ng mga pakiramdam na ito, tinatrato ng mga anticristo ang Diyos sa langit at ang Diyos sa lupa—si Cristo—sa iba’t ibang gawi at gamit ang iba’t ibang pamamaraan at saloobin. Mula sa mga gawi, pamamaraan, at saloobing ito, sapat na ito upang patunayan ang diwa ng mga anticristo na tutol sa katotohanan, pagkamapanlaban sa katotohanan, itinatatwa si Cristo, at kinokondena si Cristo. Tuwing nahaharap sila sa mga usaping may kinalaman sa katotohanan, at sa diwa at pagkakakilanlan ng Diyos na nagkatawang-tao, sadya silang sumasalungat sa Diyos, gumaganap ng papel bilang mga kaaway ng Diyos. Kapag walang nangyayari, isinisigaw nila ang pangalan ng Diyos, palagi pa ngang binabanggit ang “diyos, aking diyos” sa kanilang pananalita. Kailangang magsimula ang lahat ng sinasabi nila sa: “O diyos, tingnan mo,” “O diyos, alam mo ba,” “O diyos, pakinggan mo ako,” “O diyos, mayroon akong isang bagay na kailangang alamin,” “O diyos, ganito ang sitwasyon,” at iba pa. Habang tinatawag nila ang “diyos,” sa kanilang puso, puno sila ng mga kuru-kuro, pagkamapanlaban, at panghahamak kay Cristo. Kapag nahaharap ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at si Cristo sa iba’t ibang kapaligiran at kalagayan, paulit-ulit na nagbabago ang saloobin ng mga anticristo kay Cristo at sa Diyos, sumasailalim sa iba’t ibang pagbabago. Kapag may mga hinihingi sa kanila si Cristo at nagpapakita sa kanila ng kabaitan at kabutihan, tila banayad at maamo ang kanilang saloobin; kapag mahigpit sa kanila si Cristo, pinupungusan sila, ang kanilang saloobin kay Cristo ay nagiging saloobin ng pagkapoot, pagkamuhi, at panghahamak, maging ng pag-iwas at pagtatakwil sa Kanya. Kapag malinaw silang pinapangakuan ni Cristo ng mga gantimpala at pagpapala, lihim silang nagagalak sa kanilang puso, at nagpapalakas pa nga, sumisipsip, at nambobola sa Kanya, hindi nag-aatubiling isakripisyo ang kanilang dignidad at integridad para makuha ang mga benepisyong ito. Gayumpaman, anuman ang kanilang saloobin, hindi sila kailanman nagkaroon ng tunay na pagtanggap at pananalig kay Cristo, lalong hindi sila tunay na nagpapasakop sa Kanya. Ang kanilang saloobin kay Cristo ay palaging saloobin ng pag-iwas, pagkondena, at maingat na pag-aalinlangan, tinatakwil Siya mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Saan man sila naroroon o anuman ang kanilang pakiramdam, nananatiling hindi nagbabago ang kanilang diwa. Kahit na nagpapakita sila minsan ng ilang hindi inaasahang pagbabago o pagliko, pansamantala lamang ang mga ito. Ang dahilan nito ay likas na laban kay Cristo ang kalikasang diwa ng mga anticristo, kaya hindi nila kailanman taos-pusong tatanggapin ang karaniwang taong ito bilang kanilang Panginoon, bilang kanilang Diyos.
Ang pagbabahaginan sa iba’t ibang aspekto ng depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo ay halos natalakay na. Ang huling isyu na dapat talakayin, gaya ng natanong Ko na sa inyo, ay kung ano ang halaga ng paglalantad sa mga usaping ito, at kung ano ang katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Puwedeng maipahayag lang mula sa dalawang aspekto ang halaga ng paglalantad sa mga bagay na ito. Ang isang aspekto ay iyong inilalantad nito kung ano talaga ang diwa ng mga tunay na saloobin ng mga tao sa Diyos, na nagtutulot sa mga tao na makita ang iba’t ibang pagpapamalas ng katiwalian ng sangkatauhan. Kapaki-pakinabang ito sa pagkilala sa sarili at sa pagkilala sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang isa pang aspekto ay iyong ipinaaalam nito sa mga tao kung ano talaga dapat ang tamang saloobin sa Diyos. Maaaring iniisip mo na ang paraan ng iyong pagtrato sa Diyos ay pagturing na sa Kanya bilang Diyos, pero sa katunayan, marami pa itong karumihan, maraming elemento na nabibilang kay Satanas—pagpapamalas ng mga anticristo ang mga ito, na hindi kinikilala o tinatanggap ng Diyos. Isa itong karumihan na kailangang malinis. Mayroon itong parehong positibo at negatibong halaga: Sa pinakamababa, mula sa isang negatibong perspektiba, ipinaaalam nito sa iyo na hindi maganda ang mga bagay na ito, mga pagpapamalas ang mga ito ng isang anticristo. Ang positibong aspekto ay iyong ipinaaalam nito sa iyo na ayaw ng Diyos sa mga bagay na ito, hindi Niya tinatanggap ang pagtrato mo sa Kanya nang ganito. Ang implikasyon ay iyong, kahit gaano pa katama, kabuti, kalohikal, o kaayon sa mga sentimyento ng tao ang paniniwala nila sa kanilang pagtrato sa Diyos, hindi ito tinatanggap ng Diyos. Kung hindi ito tinatanggap ng Diyos, ano ang dapat mong gawin? Kung sasabihin mo, “Gagawin ko ito sa ganitong paraan, naniniwala akong tama ito at ipagpapatuloy ko ito; tanggapin Mo man ito o hindi, nagiging matuwid lang ako,” ayos lang ba ito? (Hindi.) Hindi natin tatalakayin kung tama ba ang ganitong saloobin sa ibang usapin; pagdating sa pagtrato sa Diyos, napakamapanganib ng pagkilos sa ganitong paraan, at dapat kang magbago ng landas. Ano ang dapat na saloobin ng mga tao sa mga bagay na hindi kayang tanggapin ng Diyos? Ang tanging saloobin na dapat mayroon ang mga tao ay ang tanggapin ang lahat ng nanggagaling sa Diyos; kahit na mukhang maganda o masama ito para sa kanila, kaaya-aya man itong pakinggan o masakit at hindi katanggap-tanggap, dapat silang tumanggap at magpasakop nang walang kondisyon, tinatrato ito bilang ang katotohanan para baguhin at dalisayin ang kanilang sarili. Ano ang halaga ng paglalantad sa mga bagay na ito? Hindi ba’t natalakay na ito kapwa mula sa negatibo at maagap na mga aspekto, kapwa mula sa positibo at salungat na perspektiba? Kung gayon, ano ang katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao? (Ang Diyos ang katotohanan, ang Diyos ang Tagapaglikha. Nagkatawang-tao man sa laman o nagpakita sa ibang anyo, ang katotohanan ang mga salitang Kanyang sinasabi, at dapat tayong magpasakop at tumanggap nang walang kondisyon.) Puwede bang magsabi ang lahat ng amen sa pahayag na ito? (Amen.) Nagsasabi rin Ako ng amen diyan; ang pagtanggap at pagpapasakop nang walang kondisyon, ito ang katotohanan. Sa anumang anyo o paraan nagpapakita at namumuhay ang Diyos sa gitna ng mga tao, kahit ano pa ang anyo ng Diyos, ang Diyos ay Diyos magpakailanman. Ito ang katotohanan, at ito ang katotohanang dapat pinakamaunawaan ng mga tao. Pangalawa, ang saloobing dapat mayroon ang isang nilikha sa Diyos ay pagpapasakop nang walang kondisyon. Dagdag pa rito, may isa pang punto na hindi nauunawaan ng mga tao: Bakit ba sumusunod ang mga tao sa Diyos? Para ba maibsan ang pagkabagot? Para punan ang kanilang mga isipan at tugunan ang kanilang espirituwal na kahungkagan? Para ba malutas ang kanilang kapalaran sa hinaharap? Para ba maging malinis, o para pumasok sa isang unibersidad ng katotohanan? Ano ang hinahangad ng mga tao na malutas sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos? Isang bagay ito na kailangang malaman ng mga tao. (Hinahangad nilang malutas ang kanilang tiwaling disposisyon.) Tama. Sumusunod ang mga tao sa Diyos para malutas ang kanilang tiwaling disposisyon. Puwede bang malutas ng mga tao ang kanilang tiwaling disposisyon nang sila lang? Puwede ba itong malutas ng mga taong may katanyagan, kaalaman, at edukasyon? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na puwedeng makalutas sa isyung ito? (Walang sinuman ang makalulutas nito.) Pumarito ang Diyos ngayon para lutasin ang problemang ito; tanging ang nagkatawang-taong Diyos, tanging ang Diyos mismo ang makalulutas nito. Bakit kayang lutasin ng nagkatawang-taong Cristo, na mukhang kapareho ng isang tao, ang problemang ito? May wika, mga kaisipan, at ideya ang mga tao, kaya bakit hindi nila ito kayang lutasin? Nasaan ang pagkakaiba? (Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay; walang taglay na katotohanan ang mga tao.) Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Tanging sa pagtanggap sa katunayang ito at sa pagtanggap sa lahat ng laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos maaaring malutas ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Ipinahihiwatig nito na lumalapit ang mga tao sa Diyos para malutas ang kanilang tiwaling disposisyon, na nangangahulugang paglapit sa Diyos para matamo ang katotohanan. Tanging sa pagtamo ng katotohanan maaaring malutas ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Paano mo malulutas ang mga ito nang hindi natatamo ang katotohanan? Kaya bang malutas ng mga doktrina ang isang tiwaling disposisyon? Kaya ba ng kaalaman? Kaya ba ng mga kuru-kuro at imahinasyon? Hindi. Tanging ang praktikal na Diyos na nagkatawang-taong ang makakatulong sa iyo na malutas ito. Samakatwid, walang silbi na sumamba sa sinumang kilalang tao, dakilang tao, o pantas; hindi nila kayang lutasin ang iyong tunay na mga suliranin o iligtas ka. Bukod dito, hindi kayang malutas ng pag-aaral ng anumang paksa, propesyon, o larangan ng kaalaman ang iyong tunay na mga suliranin o tunay na mga isyu. Kung sasabihin mo, “Hinahamak ko lang ang ordinaryong taong ito,” kailangang magbago ang iyong pananaw. Ito ang katunayan; ganito kumilos ang Diyos. Kung gusto mong tanggapin ang Diyos bilang iyong buhay, dapat mong tanggapin ang bawat pangungusap na sinasabi ng Diyos at ang bawat kilos na ginagawa ng Diyos. Kung kinikilala mo ang Diyos bilang ang katotohanan, dapat mong paniwalaan at tanggapin ang katiyakan at pagiging ganap ng katunayan na kahit na sa anong paraan o anyo umiral o magpakita ang Diyos, palaging Siya ang katotohanan. Pagkatapos tanggapin ang katunayang ito, ano ang dapat mong maging saloobin sa pagtrato sa laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, sa ordinaryong taong ito? Narito ang katotohanan na dapat hanapin.
Ano ang pangunahing katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao sa paglalantad ng mga pagpapamalas depende sa kanilang pakiramdam ang pagtrato nila kay Cristo? Ibuod ninyo ang ilang aytem para maging malinaw ang mga ito at makaunawa at malinawan kayo sa katotohanang ito. (Nagbuod kami ng apat na aytem: Ang una ay na ang Diyos ay palaging Diyos, at ito ang katotohanan. Ang pangalawa ay na pagpapasakop nang walang kondisyon ang dapat na saloobin sa Diyos ng isang nilikha. Ang pangatlo ay na ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, at tanging sa pagtanggap ng katunayang ito at pagtanggap sa lahat ng laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos maaaring malutas ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang pang-apat ay na kung kinikilala ng mga tao ang Diyos bilang ang katotohanan, dapat nilang paniwalaan at kilalanin ang katiyakan ng katunayan na sa anumang paraan o anyo umiiral o nagpapakita ang Diyos, palaging Siya ang katotohanan.) Mahahalaga ba ang apat na aytem na ito? (Oo.) Sa totoo lang, alam ng lahat ang bawat isa sa mga aytem na ito pagdating sa doktrina, pero pagdating sa kung aling mga katotohanang prinsipyo ang kasangkot sa usapin ng kung paano tratuhin si Cristo, nalilito ang mga tao kapag nahaharap sa mga aktuwal na mga sitwasyon. Hindi nila alam kung paano isagawa ang mga ito, at nagiging mga doktrina lamang na hindi magagamit ang mga katotohanang dati nilang nauunawaan. Sapat na ipinapakita nito na gaano man karami ang doktrinang nauunawaan ng mga tao, wala itong silbi; kung hindi nauunawaan ang katotohanan, hindi pa rin malulutas ang kanilang mga problema.
Hunyo 20, 2020