Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)

Natapos natin noong huling pagtitipon ang ating pagbabahaginan sa ikalabinlimang aytem na tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Matapos magbahaginan sa labinlimang aytem na ito, nabuod na ba ninyo ang iba’t ibang pagpapamalas at diwa ng mga anticristo? Mayroon na ba kayong pangunahing konsepto at pagkaunawa sa mga ito? Kaya ba ninyong makilatis ang mga tao na may diwa ng mga anticristo? (Kaya kong kilatisin ang mga medyo halatang kaso, pero nahihirapan pa rin akong makilatis ang mga tuso at lihim na mga kaso.) Ngayon, ibuod natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo mula sa dalawang aspekto: una, ang karakter ng mga anticristo, at ikalawa, ang kanilang disposisyong diwa. Mas madali bang makilatis ang mga anticristo mula sa dalawang aspektong ito? (Oo.) Kung kaunti lang ang pagbabahaginan natin at hindi magbibigay ng maraming halimbawa, puwedeng hindi ninyo sila makilatis; kung mas marami tayong pagbabahaginan, puwedeng maintindihan ninyo, pero maaaring mahirapan pa rin kayong ikumpara ang mga ito sa mga anticristo kapag nakikita ninyo silang gumagawa ng kasamaan. Ang pagbubuod sa kalikasang diwa ng mga anticristo at pagkilatis sa kanila mula sa dalawang aspektong ito ay makapagbibigay-linaw sa inyo.

I. Ang Karakter ng mga Anticristo

Ang unang aspekto ay ang karakter ng mga anticristo. Sa partikular, may kinalaman ang aspektong ito sa kung anong uri ng pagkatao ang taglay ng mga anticristo. Ano ang saklaw ng pagkatao? Saklaw nito ang konsensiya, katwiran, integridad, dignidad, at kabutihan at kasamaan ng tao. Ang pagkilatis sa karakter ng mga anticristo ay kinasasangkutan ng iba’t ibang aspekto ng pagkatao nila. Talakayin muna natin ang mga karaniwang pagpapamalas na taglay ng normal na pagkatao, o mga katangiang dapat taglayin ng normal na pagkatao. Sabihin mo sa Akin, anong partikular na nilalaman ang kabilang sa kategoryang ito? (Katapatan at kabaitan.) Ano pa? (Pagpapahalaga sa dangal.) Parehong mahalaga ang pagkakaroon ng katuwiran at pagpapahalaga sa dangal. (Gayundin ang pagpapakita ng pagmamahal, pagpaparaya, konsiderasyon, at pagpapatawad sa iba.) Iyon din. Ibuod natin ang lahat ng ito. Ang una at pinakamahalaga, nagtataglay ang normal na pagkatao ng katangian ng katapatan—positibo ba ito? (Oo.) Dagdag pa, nagtataglay ito ng kabaitan at sinseridad, at may pagkakaiba sa sinseridad at katapatan pagdating sa antas. Sa palagay ninyo, ang habag ba ay isang bagay na dapat kasama sa pagkatao ng isang tao? (Oo.) Puwede bang maikategorya ang habag sa ilalim ng kabaitan? (Oo.) Tiyak na may habag ang tao na may mabuting puso. Pagkatapos ay nariyan ang pagiging simple at pagpapahalaga sa dangal. Ang pagpapahalaga sa dangal ay kinabibilangan ng dignidad, pagkilala sa sarili, at katwiran. Susunod ay ang pagiging matuwid. Ano ang mga pagpapamalas ng pagiging matuwid? Kabilang dito ang pagpapahalaga sa katarungan, pagkamuhi sa kasamaan, pagkapoot sa kabuktutan, at pagkahilig sa mga positibong bagay. Kung may pagiging matuwid lang ang isang tao, kulang pa iyon; kung wala siyang pagpaparaya at pasensiya, nagsasalita nang diretsahan nang hindi isinasaalang-alang ang kalagayan o mga sitwasyon ng mga tao, hindi ayos iyon, at may kakulangan ang katangian niya sa ilang bagay. Nariyan din ang pagpaparaya at pasensiya, na parehong partikular na pagpapamalas ng kabaitan at siyempre ay puwedeng ituring bilang isang katangian. Ito ang mga katangiang dapat taglayin ng normal na pagkatao: katapatan, kabaitan, sinseridad, pagiging simple, pagpapahalaga sa dangal, pagiging matuwid, at pagpaparaya at pasensiya—pito ang mga ito sa kabuuan. Ang mga katangiang ito na taglay ng normal na pagkatao ay puwedeng gamitin para sukatin kung may normal na pagkatao ang isang tao. Gayumpaman, ang paksa ng pagbabahaginan natin ngayon ay hindi tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng mga katangian na dapat taglayin ng normal na pagkatao o kung aling mga indibiduwal ang may mga katangiang ito. Sa halip, magbabahaginan tayo sa paksang “ano ba talaga ang karakter ng mga anticristo.” Kumpara sa iba’t ibang aspekto ng normal na katangian na kababanggit lang, taglay ba ng mga anticristo ang alinman sa mga katangiang ito, o alin sa mga ito ang taglay nila? (Wala silang taglay ni isa man.) Dahil mayroon kayong gayong impresyon sa mga anticristo, ibuod natin kung anong mga elemento sa karakter ng mga anticristo ang nag-uudyok sa mga tao na iklasipika sila bilang mga anticristo, at ipakitang may masamang pagkatao sila, na wala silang normal na pagkatao, at taglay nila ang pagkatao ng mga anticristo. Kung taglay ng isang tao ang isa o dalawa sa ilang pagpapamalas ng normal na pagkatao na nabanggit kanina, puwedeng mayroon siyang kaunting normal na pagkatao. Kung taglay niya ang lahat ng ito, mayroon siyang pinakanormal na pagkatao. Pero hindi taglay ng mga anticristo ang anuman sa mga katangiang ito, kaya ano nga ba ang nilalaman ng pagkatao nila? Pagbahaginan muna natin ang aspektong ito.

A. Palagiang Pagsisinungaling

Ang unang katangian na taglay ng normal na katangian ay ang katapatan. Kasama ba sa karakter ng mga anticristo ang katapatan? Maliwanag na walang tapat na pagkatao ang mga anticristo; tiyak na salungat sa katapatan ang kanilang pagkatao. Kaya, anong mga elemento ng abnormal na pagkatao, na salungat sa katapatan, ang taglay ng mga anticristo sa kanilang pagkatao? (Madalas silang magsinungaling at manlansi ng mga tao.) Masasabi ba natin na ang madalas na pagsasabi ng kasinungalingan ay pareho sa palagiang pagsisinungaling? Hindi ba’t mas partikular ang pagbubuod na ito? Kung sasabihin natin na laging nagsisinungaling o hindi masyadong tapat ang taong ito, kulang ito sa antas. Kung gagamitin natin ang mga pahayag na tulad ng “puno ng kasinungalingan” upang ilarawan ang kanilang katangian, hindi ito gaanong pormal. Kaya, mas angkop na gamitin ang “palagiang pagsisinungaling” upang ilarawan sila at ipahayag na hindi tapat ang pagkatao ng mga anticristo. Ang “palagiang pagsisinungaling” ang unang katangian—isang bagay na madalas na naipapamalas at nabubunyag sa pagkatao ng mga anticristo. Dapat ito ang maging pinakakaraniwan, madaling mapansin, at madaling makilatis na katangian na maaaring makita ng mga tao. Ngayon, sulit ba ang pagbahaginan tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling? (Oo.)

Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga layunin at mithiin, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi at pakana. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Ito ay dahil hindi sila matapat, at ang kanilang isipan ay lubhang kumplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paliguy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga pakinabang at desbentaha mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, binabago nila ang gusto nilang sabihin gamit ang wika kaya lahat ng sinasabi nila ay medyo masalimuot sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali nilang malinlang at maloko ang mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay hindi maarok, at ang mga layunin at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakumplikado. Kung malantad ang katotohanan—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para makalusot. Ang ganitong uri ng tao ay madalas magsinungaling, at matapos magsinungaling, kailangan nilang magsinungaling ulit para suportahan ang kasinungalingan. Nililinlang nila ang iba para itago ang kanilang mga layunin, at nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng pagdadahilan at pangangatwiran para suportahan ang kanilang mga kasinungalingan, kaya hirap na hirap ang mga tao na masabi kung ano ang totoo at ano ang hindi, at hindi alam ng mga tao kung kailan sila nagsasabi ng totoo, lalo nang hindi alam ng mga ito kung kailan sila nagsisinungaling. Kapag nagsisinungaling sila, hindi sila namumula o kumukurap, na para bang nagsasabi sila ng totoo. Hindi ba’t ibig sabihin nito na palagian silang nagsisinungaling? Halimbawa, minsan tila sa tingin ay mabuti ang mga anticristo sa iba, isinasaalang-alang nila ang iba, at nagsasalita sa kaaya-ayang paraan na parang mabait at nakakaantig. Subalit kahit na ganito sila magsalita, walang sinumang makapagsasabi kung sila ba ay taos, at palaging kailangang maghintay hanggang sa mangyari ang mga bagay-bagay pagkaraan ng ilang araw upang malantad kung taos ba sila. Palaging nagsasalita nang may partikular na mga layunin at mithiin ang mga anticristo, at walang sinumang makaisip kung ano ba talaga ang hinahangad nila. Palagiang nagsisinungaling ang mga gayong tao, at hindi nila iniisip ang mga kahihinatnan ng anuman sa kanilang mga kasinungalingan. Basta’t nakikinabang sila sa kanilang kasinungalingan at nagagawa nitong linlangin ang iba, basta’t nakakamtan nito ang kanilang mga mithiin, wala silang pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. Sa sandaling mailantad sila, patuloy silang magtatago, magsisinungaling, manlalansi. Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pag-asal at pakikitungo sa mundo ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilihis o naguguluhan at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o magandang halimbawa. Pangit man o maganda ang mga salitang namumutawi sa bibig ng gayong mga tao, o makatwiran o kakatwa, o naaayon o di-naaayon sa pagkamakatao, o magaspang o sibilisado, ang mga iyon ay talagang pawang walang-katotohanan, hindi totoo, at kasinungalingan.

Sa uri ng mga tao na mga anticristo, ang isa sa kanilang mga pangunahing katangian ay palagiang magsinungaling. Sa pamamagitan ng kanilang wika, ng paraan ng kanilang pagsasalita, ng paraan ng kanilang pagpapahayag, ng kahulugan ng kanilang mga salita at ang layunin sa likod ng mga iyon, makikita ng isang tao na walang normal na pagkatao ang mga taong ito, na hindi nila taglay ang mga pamantayan para sa pagkatao ng mga taong matapat. Palagiang nagsisinungaling ang mga anticristo. Higit na mas malala ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang kaysa sa karamihan ng mga tao; hindi ito isang karaniwang tiwaling disposisyon, kundi ito ay naging kawalan na ng konsensiya at katwiran at ganap na pagkawala ng pagkatao. Sa diwa, ang mga taong ito ay mga demonyo; ang mga demonyo ay madalas magsinungaling at manlinlang ng mga tao sa ganitong paraan, walang totoo sa anumang sinasabi nila. Kapag nagsisinungaling ang karamihan sa mga tao, kailangan nilang imbentuhin ang kasinungalingan, kailangan nila iyong pag-isipang mabuti; ngunit ang isang anticristo ay hindi na kailangang mag-imbento ng kahit na ano, o pag-isipan itong mabuti: Ibinubuka nila ang kanilang bibig at lumalabas na ito—at bago mo pa mamalayan, nalinlang ka na. Ganoon na lang ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang na ang mga taong mabagal ang reaksyon ay maaaring abutin ng dalawa o tatlong araw bago mapagtanto ang mga bagay-bagay; saka lang nila napagtatanto kung ano ang ibig sabihin ng taong ito. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay walang kakayahang makakilala. Palagiang nagsisinungaling ang mga anticristo: Ano ang tingin mo sa katangian nilang ito? Malinaw na hindi ito isang bagay na bahagi ng normal na pagkatao. Hindi ba’t may mala-demonyo dito? Upang maging mas tiyak, ito ay isang malademonyong kalikasan. Ang palagiang pagsisinungaling, pagsasabi ng hindi totoo, at panlilinlang sa mga tao: natututuhan ba sa paaralan ang mga paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay, o resulta ng impluwensiya ng kanilang pamilya? Parehong hindi. Ang mga bagay na ito ay kanilang likas na kalikasan, ipinanganak silang taglay na ang mga bagay na ito. Kapag tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak, walang nagtuturo sa kanilang anak na magsinungaling at manlinlang mula pagkabata, ni walang pumipilit sa kanila na magsinungaling o manlinlang, pero mayroon pa ring mga bata na puro mga kasinungalingan ang sinasabi sa kanilang paglaki, na hindi bakas sa kanilang mukha kahit ano pang kasinungalingan ang sabihin nila, at hindi kailanman nakararamdam ng pagsisisi, paghihirap, o bigat ng konsensiya sa mga kasinungalingang nasabi nila; sa halip, ang tingin ng mga batang ito sa kanilang sarili ay napakamautak nila, labis na matalino, pakiramdam nila ay masaya sila, mapagmalaki, at lihim na masaya na nagagawa nilang manloko at manlinlang ng iba gamit ang kanilang mga kasinungalingan at iba pang mga taktika. Ito ang kalikasan nila. Likas na ganito ang mga anticristo. Kalikasang diwa nila na palagiang magsinungaling. Bagamat madalas silang nakikibahagi sa mga pagtitipon, at nakikinig sa mga sermon at pagbabahagi, hindi kailanman pinagninilayan o sinusubukang kilalanin ng mga anticristo ang kanilang sarili, at kahit gaano pa karaming kasinungalingan ang sinabi nila upang lansihin ang iba, hindi sila inuusig ng kanilang konsensiya, lalong hindi nila aktibong sinusubukang hanapin ang katotohanan para sa solusyon—na nagpapatunay na sa diwa ay hindi mananampalataya ang mga anticristo. Kahit gaano pa karaming doktrina ang nagagawa nilang ituro sa mga tao, hindi nila kailanman ginagamit ang mga doktrinang ito sa kanilang sarili, hindi nila kailanman sinusuri ang kanilang sarili, at kahit gaano pa karaming kasinungalingan ang sabihin nila o mga tao ang lokohin nila, hindi nila ito kailanman ipagtatapat, sa halip ay magpapanggap, at magkukunwari, at hindi kailanman maglalakas-loob na aminin sa harap ng iba na sila ay mga mapanlinlang na tao. Maliban dito, patuloy silang nagsisinungaling at nanlilinlang ng mga tao kung sa palagay nila ay kailangan. Hindi ba’t ito ang kanilang kalikasan? Ito nga, at walang paraan para baguhin iyon. Ang kalikasang ito ay hindi ang pagpapahayag ng normal na pagkatao; ang totoo, isa itong malademonyong kalikasan, ito ang disposisyon ni Satanas, ang gayong mga tao ay mga diyablo, sila ay mga demonyong nagkatawang-tao.

Ang unang pagpapamalas ng karakter ng mga anticristo ay ang palagiang pagsisinungaling, na ikakategorya natin bilang isang malademonyong kalikasan. Ang pagpapamalas ng malademonyong kalikasang ito ay na kahit saan at kahit kailan, anuman ang okasyon o sinuman ang kinakausap nila, ang mga salitang sinasabi ng mga gayong tao ay katulad ng mga sinasabi ng ahas at ng mga demonyo—hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan. Dapat maging lubhang maingat at makilatis sa mga gayong tao, huwag basta-basta maniwala sa mga salita ng mga demonyo. Ang partikular na pagpapamalas ng palagian nilang pagsisinungaling ay na basta na lang lumalabas sa bibig nila ang mga kasinungalingan; hindi papasa sa deliberasyon, pagsusuri, o pagkilatis ang mga salitang sinasabi nila. Kaya nilang magsinungaling anumang oras, at naniniwala sila na sa lahat ng bagay, hindi sila puwedeng magsabi ng anumang totoo, na kailangang kasinungalingan ang lahat ng sinasabi nila. Kahit na tanungin mo ang edad nila, pinag-iisipan nila ito, iniisip nila, “Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong sa edad ko? Kung sasabihin kong matanda na ako, hahamakin kaya nila ako at hindi ako lilinangin? Kung sasabihin ko namang bata pa ako, hahamakin kaya nila ako, sasabihing kulang pa ako sa karanasan? Paano kaya ako dapat na sumagot?” Kahit sa gayong kasimpleng bagay, kaya pa rin nilang magsinungaling at tumangging sabihin sa iyo ang katotohanan, at ibabalik pa nga nila sa iyo ang tanong, “Ano sa tingin mo?” Sasabihin mo, “Limampung taong gulang?” “Malapit na.” “Apatnapu’t lima?” “Kaunti na lang.” Binibigyan ka ba nila ng tumpak na sagot? Mula sa mga sagot nila, nalalaman mo ba kung gaano na sila katanda? (Hindi.) Iyon ang palagiang pagsisinungaling.

May isa pang pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling ng mga anticristo, at iyon ay na nagsisinungaling pa sila habang nagpapatotoo. Ang pagbibigay ng huwad na patotoo ay isang kasumpa-sumpang gawain na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Kahit sa usapin ng pagpapatotoo, naglalakas-loob silang mag-imbento, magsinungaling, at manlansi, na talaga namang nagpapakita ng pagiging walang pakialam sa mga kahihinatnan at ng kanilang hindi nagbabagong kalikasan! Kapag nakikita nilang nagpapatotoo ang iba batay sa karanasan at pagkaunawa samantalang hindi nila kaya, ginagaya nila ang iba, sinasabi kung anuman ang sinasabi ng ibang tao at gumagawa ng parehong mga karanasang pinagdaanan ng iba. Kung hindi nila nauunawaan ang isang bagay tulad ng pagkaunawa ng iba, sinasabi nilang nauunawaan nila ito. Kung wala silang mga gayong karanasan, pagkaunawa, at kaliwanagan, iginigiit nila na mayroon sila ng mga ito. Kahit hindi pa sila dinidisiplina ng Diyos, iginigiit nila na dinisiplina na sila ng Diyos. Kaya nilang magsinungaling at mameke kahit sa usaping ito, hindi sila nagpapakita ng malasakit o interes gaano man kalala ang mga kahihinatnan. Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Bukod dito, lalansihin ng mga ganitong tao ang kahit na sino. May ilang puwedeng nagtataka, “Ano’t anuman, mga tao pa rin ang mga anticristo: Hindi ba’t iiwasan nilang lansihin ang mga pinakamalapit sa kanila, ang mga tumulong sa kanila, o ang mga nakasama nila sa kanilang mga paghihirap? Hindi ba’t iiwasan nilang lansihin ang mga kapamilya nila?” Ang pagsasabing palagian silang nagsisinungaling ay nagpapahiwatig na kaya nilang lansihin ang kahit na sino, kahit ang kanilang mga magulang, anak, at, siyempre, mga kapatid. Sa malalaki at maliliit na bagay, kaya nilang lansihin ang mga tao, kahit sa mga bagay kung saan dapat silang magsalita nang tapat, kung saan ang pagsasabi nang tapat ay walang magiging masamang kahihinatnan o epekto sa kanila sa kahit anong paraan, at kung saan wala namang pangangailangang gumamit ng karunungan. Nilalansi rin nila ang mga tao at gumagamit sila ng mga kasinungalingan para resolbahin ang maliliit na bagay na sa pananaw ng iba ay hindi naman nangangailangan ng pagsisinungaling, kung saan magiging madali at walang kahirap-hirap para sa kanila na magsalita nang diretsahan. Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Masasabing ang palagiang pagsisinungaling ay isa sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga diyablo at ni Satanas. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t masasabi natin na ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi lang hindi tapat, kundi namamarkahan din ng palagiang pagsisinungaling, kaya hindi ito mapagkakatiwalaan? (Oo, masasabi natin.) Kung gumagawa ng mali ang mga gayong indibiduwal, pagkatapos ay lumuha matapos silang pungusan at punahin ng mga kapatid, sinasabi sa panlabas na may utang na loob sila sa Diyos, at nangangako silang magsisisi sa hinaharap, mangangahas ka bang maniwala sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi? Ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang palagian nilang pagsisinungaling! Kahit pa magmukha silang nagsisisi, humahagulhol, binabayo ang dibdib nila, at sumusumpa, huwag silang paniwalaan, dahil luha ng buwaya ang iniluluha nila, mga luha para lansihin ang mga tao. Hindi taos-puso ang malulungkot at nagsisising mga salitang sinasambit nila; mga pansamantalang taktika ito para makuha ang tiwala ng mga tao sa pamamagitan ng pandaraya. Sa harap ng mga tao, humahagulhol, umaamin ng kasalanan, sumusumpa, at ipinapaalam nila ang kanilang posisyon. Gayumpaman, ang mga may magandang relasyon sa kanila sa pribado, ang mga medyo pinagkakatiwalaan nila, ay nag-uulat ng ibang kuwento. Habang parang mukhang totoo sa panlabas ang pampubliko nilang pag-amin ng kasalanan at pagsumpa na magbabago, ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig ay nagpapatunay na ang sinabi nila dati ay hindi totoo kundi huwad, na idinisenyo para linlangin ang mas maraming tao. Ano ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig? Aaminin ba nila na huwad ang sinabi nila dati? Hindi, hindi nila aaminin. Magpapakalat sila ng pagkanegatibo, maglalahad ng mga argumento, at pangangatwiranan ang sarili nila. Ang pangangatwiran at pakikipag-argumentong ito ay nagpapatunay na ang kanilang mga pag-amin, pagsisisi, at panunumpa ay pawang huwad, ginawa para lansihin ang mga tao. Mapagkakatiwalaan ba ang mga gayong tao? Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Kaya pa nga nilang mag-imbento ng mga pag-amin, huwad na lumuha at mangakong babaguhin ang mga gawi nila, at maging ang panunumpa nila ay isang kasinungalingan. Hindi ba’t isa itong malademonyong kalikasan? Kahit pa sabihin nila, “Ito lang ang nauunawaan ko; hindi ko na alam ang iba, at humihingi ako ng kaliwanagan ng Diyos at umaasa ako sa tulong ng mga kapatid para unti-unti akong magkamit ng pagkaunawa,” ito ay magiging isang tapat na saloobin at pahayag. Gayumpaman, hinding-hindi makakapagsalita ng mga gayong tapat na salita ang mga anticristo. Pakiramdam nila, “Hahamakin ako ng mga tao kung magsasalita ako nang tapat: masisira ang reputasyon ko at mapapahiya ako—hindi ba’t tuluyan nang mawawala ang katanyagan ko? Sino ba ako? Puwede ba akong tumanggap ng pagkatalo? Kahit hindi ko nauunawaan, dapat magpanggap akong nakakaunawa nang husto; dapat ko munang lansihin ang mga tao at patatagin ang posisyon ko sa puso nila.” Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga anticristo? Mula sa pinagmulan at paraan ng pananalita ng mga anticristo, pati na rin sa mga salitang binibigkas nila, malinaw na hindi kailanman magiging tapat ang mga gayong tao; hindi nila ito kaya. Dahil likas na katangian nila ang palagiang pagsisinungaling, nais nilang lansihin ang mga tao at itago ang mga usapin sa lahat ng bagay, ayaw nilang malaman o makita ng sinuman ang mga totoong katunayan o aktuwal na sitwasyon. Labis na madilim ang kaloob-looban nila. Ang aspektong ito ng karakter ng mga anticristo ay puwedeng matukoy nang may katiyakan bilang walang pagkatao at may taglay na malademonyong kalikasan. Kusang lumalabas ang mga kasinungalingan sa bibig nila, nang hindi na pinag-iisipan pa, hanggang sa puntong kahit sa pagtulog nila, wala silang sinasabing anumang totoo—pawang panlalansi ito, pawang kasinungalingan. Ito ang palagiang pagsisinungaling.

Walang katapatan ang karakter ng mga anticristo. Kahit hindi sila nagsasalita, sa puso nila ay nag-iisip sila kung paano manlansi, mandaya, at manlihis ng mga tao—kung sino ang ililihis nila, ano ang sasabihin kapag gusto nilang ilihis ang mga tao, anong pamamaraan ang gagamitin para simulan ang usapan, at aling mga halimbawa ang gagamitin para mapaniwala ang mga tao. Anuman ang kanilang sabihin o isipin, wala silang kinikimkim na tapat na saloobin, mga tapat na opinyon, o mga tapat na kaisipan sa puso nila. Ang bawat sandali ng kanilang buhay, bawat segundo, ay ginugugol sa isang kalagayan ng pagnanais na lansihin at paglaruan ang mga tao. Sa bawat segundo at sandali ay iniisip nila kung paano manlansi, paano manlihis, at paano mandaya ng iba, at inookupa ng mga kaisipang ito ang isipan at kaibuturan ng kanilang puso. Hindi ba’t ito ang kalikasan nila? Kaya bang maunawaan ng mga ganitong tao ang katotohanan kapag nakikinig sila ng mga sermon o kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos? Kahit pa nauunawaan nila, kaya ba nilang isagawa ito? (Hindi.) Batay sa kaibuturan ng kanilang puso at katangian, tiyak na hindi tatanggap ng kaligtasan ang mga gayong indibiduwal, sapagkat ang lahat ng kanilang minamahal at iniisip sa kanilang isipan at panloob na mundo ay puno ng malademonyong kalikasan, salungat sa katotohanan at mga positibong bagay, na wala ni isang bahaging kapuri-puri. Kaya, tiyak ba ang katangian ng palagiang pagsisinungaling sa pagkatao ng mga anticristo? (Oo.) Hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan ang mga taong palagiang nagsisinungaling. Ano ang mga kahihinatnan nito? Ano ang mga tiyak na pagpapamalas ng isang tao na hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan? Kaya ba niyang kumilos nang padalos-dalos? Magagawa ba niyang maging arbitraryo at maging sarili niyang batas? Kaya ba niyang magtatag ng mga nagsasariling kaharian? Kaya ba niyang waldasin ang mga handog? Kaya ba niyang ilihis ang mga tao? Kaya ba niyang makuha ang loob ng mga tao? Kaya niyang gawin ang lahat ng ito. Ito ay isang tipikal na anticristo—palagi siyang nagsisinungaling. Kapag nalantad na ang mga katunayan, kahit gaano karaming mata ang nakamasid sa kanya, kahit gaano karaming tao ang sama-samang nagpapatotoo at naglalantad sa kanya, tumatanggi siyang aminin ito. Sa huli, gumagamit siya ng isang taktika para pakitunguhan ka, sinasabing nakalimutan na niya at nagpapanggap siyang walang alam. Sa puntong ito, sa ganitong sitwasyon, hindi siya makapagsalita ng kahit isang matapat na salita, ni hindi rin niya magawang tumango at aminin ito, sinasabi niya, “Ako iyon, nagkamali ako, magbabago ako sa susunod, at tiyak na hindi ko na uulitin ang gayong pagkakamali.” Isa itong anticristo, na hindi kailanman umaamin ng kasalanan, hindi kailanman nagsasalita ng matapat na salita sa anumang oras. Maliligtas ba siya sa gayong uri ng pagkatao? Makakamtan ba niya ang katotohanan? Talagang hindi. Kahit nauunawaan niya ang katotohanan, hindi niya ito makakamtan dahil tinatanggihan, nilalabanan, at sinasalungat niya ang katotohanan. Sa pinakapangunahing antas ng pagsasalita nang matapat at pag-amin ng sariling mga pagkakamali, hindi man lang niya kayang isagawa ang pinakasimpleng katotohanang ito o isagawa ito. Paano siya maaasahang bumitiw sa katayuan niya, bumitiw sa kanyang mga inaasahan at kapalaran, at bumitiw sa sarili niyang mga layunin? Kaya ba niyang bitiwan ang mga ito at maghimagsik laban sa mga ito? Mas hindi niya kayang gawin ito. Kung hindi nga niya kayang magsabi ng isang totoong bagay, kung gayon, ang asahang gagawa siya ng isang bagay na mas mahirap kaysa rito ay lalong hindi makatotohanan.

May mga tao ba sa paligid ninyo na palagiang nagsisinungaling? Puwedeng sabihin ng ilan, “Wala pa akong nakilala na palagiang nagsisinungaling, pero pakiramdam ko na ganoon ako.” Sasabihin Ko sa iyo ang totoo; nasa mapanganib kang sitwasyon. May natitira pa bang bakas ng pagkatao ang mga taong palagiang nagsisinungaling? May pagkakaiba pa ba sila sa mga demonyo? Mayroon ba sa inyo na palagiang nagsisinungaling? Ipagpalagay natin na, sa kahit anong kapaligiran o sitwasyon, kahit anong mangyari, likas na ang pagsisinungaling sa isang tao, nang hindi man lang namumula ang mukha niya o bumibilis ang tibok ng puso niya, at kaya niyang harapin at resolbahin ang lahat ng ito gamit ang mga kasinungalingan. Sa kanyang pag-asal at pakikitungo sa mundo, at sa bawat aspekto ng buhay, hangga’t may pagkakataong magsalita, lahat ng sinasabi niya ay kasinungalingan, wala ni isang salita ang totoo. Lahat ng ito ay may dala-dalang mga layunin at pakay at may kasamang mga pakana ni Satanas. Hindi ito isang tao na matapat. Ang kakayahang magsinungaling sa anumang sitwasyon, kahit nasa bingit ng kamatayan—hindi ba’t isa siyang tao na wala nang pag-asa? Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling ng mga anticristo, sadyang napakaraming kasinungalingan nila. Ang layon ng pagsasalita nila ay lansihin, ilihis, at linlangin ang mga tao. Lahat ng salita nila ay puno ng mga pakana at layunin ni Satanas, walang anumang pagpapamalas ng katapatan na bahagi ng normal na pagkatao. Masasabi na ang mga anticristo ay ganap na walang katangian ng katapatan na bahagi ng normal na pagkatao. Ang mga tao na walang katapatan at may kakayahan na palagiang magsinungaling ay ikinakategorya bilang may malademonyong kalikasan—mga demonyo sila. Hindi madaling maligtas ang mga gayong tao, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan at nahihirapan silang tanggapin ito.

B. Mapaminsala at Malupit

Maliban sa palagiang pagsisinungaling, ano pa ang ibang mga pagpapamalas ng mga anticristo? Kakatapos lang nating magbahaginan tungkol sa mahahalagang katangian ng kabaitan at sinseridad sa normal na pagkatao, at malinaw na ganap na wala sa mga anticristo ang mga katangiang ito. Tiyak na wala sa mga anticristo ang anumang likas na taglay ng normal na pagkatao; ang taglay lang nila ay mga bagay na salungat sa normal na pagkatao, mga negatibong bagay. Kaya, ano ang kabaligtaran ng kabaitan at sinseridad? (Pagiging mapaminsala at malupit.) Mismo, tumpak na tumpak ang sinabi mo—ito ay pagiging mapaminsala at malupit. Walang mga katangiang tulad ng kabaitan at sinseridad ang mga anticristo, at sa halip, taglay nila ang mga elemento ng pagiging mapaminsala at malupit, na kabaligtaran ng kabaitan at sinseridad. May kaugnayan ba ang pagiging mapaminsala at malupit sa palagiang pagsisinungaling na tinalakay natin kanina? (Mayroon.) Mayroong tiyak na ugnayan. Paano ipinapamalas ng mga anticristo ang pagiging mapaminsala at malupit nila? (Sa abilidad nilang mag-imbento ng mga kasinungalingan at idiin ang iba.) Ang pag-imbento ng kasinungalingan at pagdidiin sa iba ay kinasasangkutan ng palagiang pagsisinungaling at pagiging mapaminsala at malupit; mahigpit na magkaugnay ang dalawang katangiang ito. Halimbawa, kung gumawa sila ng kasamaan at ayaw nilang managot dito, lumilikha sila ng huwad na anyo, nagsisinungaling, at pinapaniwala nila ang mga tao na iba ang gumawa nito, hindi sila. Ipinapasa nila ang sisi sa iba, at ipinapapasan sa iba ang mga kahihinatnan. Hindi lang ito buktot at ubod ng sama, kundi higit pa itong mapaminsala at malupit. Ano ang iba pang pagpapamalas ng pagiging mapaminsala at malupit ng mga anticristo? (Kaya nilang pahirapan, atakihin, at gantihan ang mga tao.) Kalupitan ang magawang pahirapan ang mga tao. Sinuman ang maging banta sa kanilang katayuan, reputasyon, o katanyagan, o sinumang hindi pabor sa kanila, gagawin nila ang lahat para atakihin at gantihan ang mga ito. Minsan, puwede pa nilang gamitin ang iba para saktan ang mga tao—ito ay pagiging mapaminsala at malupit. Sa madaling salita, ang pariralang “mapaminsala at malupit” ay nagpapahiwatig na partikular na malisyoso ang mga anticristo. Hindi batay sa konsensiya ang paraan nila ng pakikitungo at pakikisalamuha sa mga tao, at hindi sila matiwasay na namumuhay nang may pagkakapantay-pantay kasama ang iba; sa halip, sa bawat pagkakataon ay sinusubukan nilang samantalahin, kontrolin, at manipulahin ang iba para sa sarili nilang kapakinabangan. Hindi normal o tuwiran ang paraan ng pakikitungo ng mga anticristo sa iba; sa halip, gumagamit sila ng ilang gawi at pamamaraan para ilihis ang mga tao, samantalahin sila, at gawin silang sandata nang di-halata nang hindi nila namamalayan. Sa pakikitungo ng mga anticristo sa sinuman, mukha man itong maganda o masama sa panlabas, walang kahit kaunting sinseridad dito. Lumalapit sila sa mga tao na sa tingin nila ay kapaki-pakinabang at dumidistansiya sila sa mga taong itinuturing nilang walang silbi, hindi sila pinapansin ng mga anticristo. Kahit sa mga indibiduwal na taos-puso o bulnerable, nag-iisip sila ng mga paraan para gumamit ng iba’t ibang gawi at pamamaraan para ilihis at bitagin ang mga tao, para sa sarili nilang kapakinabangan. Pero kapag mahina, nahihirapan, o nangangailangan ng tulong ang mga tao, ang mga anticristo ay nagbubulag-bulagan at walang malasakit sa kanila. Hindi sila kailanman nagpapakita ng pagmamahal o nag-aalok ng tulong sa mga gayong tao; sa kabaligtaran, may hilig pa silang mang-api, manlihis, at mag-isip ng mga paraan para lalo pang samantalahin ang mga tao. Kung hindi masamantala ng mga anticristo ang mga tao, isinasantabi nila ang mga ito at hindi sila nagpapakita ng pagmamahal o simpatiya para sa mga ito—mayroon bang anumang bahid ng kabaitan dito? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kasamaan? Ang pamamaraan at pilosopiya ng pakikisalamuha ng mga anticristo sa mga tao ay ang paggamit ng mga pakana at estratehiya para samantalahin at lansihin ang mga tao, para hindi sila makilatis ng mga tao, bagkus ay maging handa ang mga ito na magpaalipin sa mga anticristo at palaging sumunod sa kanilang kagustuhan. Puwede nilang apihin at pahirapan ang mga taong nakakakilatis sa kanila at hindi na nila masamantala. Puwede pa nilang isisi ang kasalanan sa mga taong ito, na nagiging dahilan para talikuran ng mga kapatid ang mga ito, at pagkatapos ay pinapatalsik o pinapaalis ang mga ito ng mga anticristo. Sa madaling salita, mapaminsala at malupit ang mga anticristo, lubos na walang kabaitan at sinseridad. Hindi sila kailanman tunay na tumutulong sa iba, walang ipinapakitang simpatiya o pagmamahal kapag may mga taong nahaharap sa mga paghihirap. Sa mga pakikisalamuha nila, nagpapakana sila para sa sarili nilang benepisyo at kapakinabangan. Sinuman ang lumapit sa kanila o humingi ng tulong sa oras ng kagipitan, lagi silang nagkakalkula tungkol sa taong iyon, iniisip nila sa kanilang puso: “Kung tutulungan ko ang taong ito, ano ang mapapakinabang ko sa hinaharap? Matutulungan ba nila ako? Magagamit ko ba sila? Ano ba ang mapapala ko sa kanila?” Hindi ba’t makasarili at ubod ng sama na palagi silang nag-iisip tungkol sa mga bagay na ito? (Oo.) Sa mga halalan sa iglesia, anong mga pamamaraan ang gagamitin ng mga anticristo? (Mamaliitin nila ang iba at iaangat ang sarili nila, pinapabagsak ang mga mas magaling kaysa sa kanila.) Ang pagmamaliit sa iba at pag-aangat sa sarili ay pagiging mapaminsala at malupit din. Puwede ring gumamit ang mga anticristo ng maliliit na pabor para maakit ang mga tao at magmayabang tungkol sa mga kontribusyon nila para makakuha ng respeto at makasiguro ng mga boto. Ano pa? (Hindi nila kayang suriin ang mga kandidato nang patas at walang kinikilingan; ipinapasok nila ang sarili nilang pagkiling at ang sarili nilang pagtatangi.) Kasama rito ang pag-imbento ng mga kasinungalingan para siraan ang iba. Maraming partikular na pagpapamalas ng pagiging mapaminsala at malupit ng mga anticristo ang napagbahaginan na noon. Ang pagiging mapaminsala ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng napakaraming pagpapakana, at ang prinsipyo nila sa pag-asal, pakikitungo sa mundo, at paggawa ng anumang bagay ay nakaasa sa estratehiya—walang sinseridad, may pagiging huwad at panlalansi. Ang pagiging malupit ay tumutukoy sa pagiging malupit at kawalang-awa sa mga pamamaraan nila ng pagkilos, pagiging walang habag, walang damdamin ng tao, ipinapahamak ang iba, at handa silang maisakatuparan ang mga pakay nila kahit na may masaktan—ito ang pagiging malupit, at ito ay direktang salungat sa kabaitan ng tao. Kung ang isang tao ay may kabaitan sa pagkatao niya, kapag nahaharap sa mga ordinaryong usapin, magiging maluwag siya sa iba hangga’t maaari, at patatawarin niya ang mga tao. Ang isang taong ganito ay mapagparaya sa mga isyu at pagkakamali ng ibang tao, hindi siya maselan, at nagiging maunawain kapag kaya nila. Bukod dito, mahabagin siya at, kapag nakikita niya na nahihirapan ang iba, handa siyang tumulong, natutuwa siyang tumulong sa iba at itinuturing niya ang pagpapatibay sa iba bilang isang personal na responsabilidad—ito ay kabaitan. Mayroon bang ganitong katangian ang mga anticristo? (Wala.) Naniniwala sila, “Kung nahihirapan ka at tinulungan kita, may kapalit iyon. Kung bibigyan kita ng mga pakinabang, ano ang mapapala ko mula rito? Kung makikisimpatiya ako sa iyo, sino ang makikisimpatiya sa akin? Kung tutulungan kita, maaalala mo ba ang kabaitan ko? Kung hinihiling mong isakripisyo ko ang sarili ko para tulungan ka, nananaginip ka lang! Ano bang relasyon natin? Anong pakinabang ang maiibigay mo sa akin? Natulungan mo na ba ako dati? Sino ka ba? Karapat-dapat ka bang tulungan? Kung anak ka ng hari o anak ka ng mayamang tao, baka magdulot ng kaluwalhatian o pakinabang sa akin ang pagtulong sa iyo. Pero hindi ka naman ganoon. Bakit kita tutulungan? Ano ang makukuha kong mga pakinabang sa pagtulong sa iyo?” Ganito sila mag-isip kapag nakikita nila ang isang taong nahihirapan, mahina, o nangangailangan ng tulong. Pagiging mabait ba ito? Kapag nakakakita ang mga taong ito ng isang taong mahina ang kalagayan, hindi lamang nila pinagtatawanan at kinukutya, kundi nagtatantiya pa sila sa puso nila. Nakikita pa ito ng ilan bilang isang pagkakataong magpakitang-gilas o makuha ang loob ng taong iyon. Hindi pagiging mabait ang alinman sa mga ito. Madalas na sinasamantala ng mga anticristo ang mga gayong pagkakataon para magpakitang-gilas. Hindi sila kikilos maliban kung may pakinabang, maliban kung may pakay at motibasyon sila. Kung tutulong sila sa isang tao, gusto nilang maging kaalyado ito. Kung tutulong at makikisimpatiya sila sa dalawang tao, gusto nilang makakuha ng dalawang kaalyado, para makakuha sila ng dalawang kanang kamay. Kung hindi, hindi sila kikilos, at siguradong hindi sila magpapakita ng pagmamahal sa mga nangangailangan ng tulong.

Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging mapaminsala at malupit ng mga anticristo ay na may partikular na malinaw na pakay sa lahat ng kanilang ginagawa. Ang unang bagay na iniisip nila ay ang sarili nilang mga interes; at ang mga pamamaraan nila ay kasuklam-suklam, walang pakundangan, karumal-dumal, mababa, at kahina-hinala. Walang sinseridad sa paraan ng paggawa nila ng mga bagay-bagay, at sa paraan ng pagtrato nila sa mga tao at ang mga prinsipyong ipinantatrato nila sa mga ito. Ang paraan ng pakikitungo nila sa mga tao ay ang samantalahin at paglaruan ang mga ito, at kapag wala nang silbi ang mga tao sa kanila, ibinabasura nila ang mga ito. Kung may silbi ka sa kanila, nagkukunwari silang may malasakit sa iyo: “Kumusta ka na? Nagkaroon ka ba ng anumang paghihirap? Matutulungan kitang lutasin ang mga paghihirap mo. Sabihin mo sa akin kung mayroon kang anumang problema. Nandito ako para sa iyo. Napakasuwerte naman natin na may mabuti tayong samahan!” Tila napakamaasikaso nila. Pero kapag dumating ang araw na wala ka nang anumang silbi sa kanila, pababayaan ka nila, itatapon ka nila sa isang tabi at babalewalain ka, na parang ni hindi ka nila kailanman nakilala. Kapag talagang nagkakaproblema ka at hinahanap mo sila para humingi ng tulong, biglang nagbabago ang kanilang ugali, hindi na ganoon kabait-pakinggan ang kanilang mga salita gaya noong una silang nangako sa iyo na tutulungan ka nila—at bakit ganito? Ito ay dahil wala ka nang silbi sa kanila. Dahil dito, hindi ka na nila pinapansin. At hindi lang iyon: Kapag nalaman nilang may mali kang nagawa o may nakita silang bagay na magagamit nila laban sa iyo, nagiging malamig at mapang-uyam sila sa iyo, at baka nga kondenahin ka pa nila. Anong palagay mo sa pamamaraang ito? Pagpapamalas ba ito ng kabaitang-loob at sinseridad? Kapag nagpapamalas ang mga anticristo ng ganitong uri ng pagiging mapaminsala at malupit sa kanilang pakikitungo sa iba, may anumang bakas ba ng pagkatao rito? Mayroon ba silang katiting na sinseridad sa mga tao? Walang-wala. Lahat ng ginagawa nila ay para sa sarili nilang pakinabang, pagpapahalaga sa sarili, at reputasyon, para mabigyan ang kanilang sarili ng katayuan at katanyagan sa ibang mga tao. Sa lahat ng nakikilala nila, kung masasamantala nila ang mga ito, gagawin nila. Ang mga hindi nila kayang samantalahin, minamata nila at hindi nila pinapakinggan; kahit na ikaw pa ang mismong lumapit sa kanila, hindi ka nila papansinin, at hindi ka man lang tinitingnan. Pero kapag dumating ang araw na kailangan ka na nila, biglang nagbabago ang kanilang pakikitungo sa iyo, at nagiging napakamaasikaso at napakagiliw nila, na ikinagugulat mo. Bakit nagbago ang pakikitungo nila sa iyo? (Dahil may silbi ka na sa kanila ngayon.) Tama iyon: Nang makita nilang may silbi ka, nagbabago ang kanilang pakikitungo. May mga gayong tao ba sa paligid ninyo? Kapag nakikisalamuha ang mga taong ito sa iba, hindi agad halatang may ginagawa silang masama. Sa pang-araw-araw nilang mga ekspresyon, pananalita, at asal, tila wala ring anumang halatang isyu. Gayumpaman, kung pagmamasdan mong mabuti kung paano sila nakikisalamuha sa mga tao, lalo na kung paano sila nakikisalamuha sa pinakamalalapit sa kanila at mga pinakamamahal nila, kung makikita mo kung paano nila sinasamantala at kung paano nila tinatrato ang iba pagkatapos, kung gayon, sa pamamagitan nito ay makikita mo ang mga layunin, saloobin, at pamamaraan ng mga anticristo sa mga pakikisalamuha nila sa iba. Lahat sila ay naghahanap lang ng pansariling kapakinabangan, namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, at walang anumang normal na pagkatao.

Nagtataglay ang mga anticristo sa pagkatao nila ng mga katangiang tulad ng pagiging mapaminsala at malupit. Puwede ba nilang makasundo ang mga taong tapat, mabait, at sinsero sa pakikitungo nila sa mga tao at mga bagay? Gusto ba nilang mapalapit sa mga gayong tao? (Hindi, hindi nila gusto.) Paano nila tinitingnan ang mga taong ito? Sinasabi nila, “Pawang malalaking hangal ang mga taong ito, at napakatuwiran ng pananalita nila. Dapat kang mag-isip nang mabuti bago magsalita—bakit ka nagsasalita nang napakatapat? Bakit palaging napakasimple ng pananalita mo?” Nakakaawang hangal ang mga taong ito para sa mga anticristo, at hinahamak sila ng mga anticristo. Kapag nakakakita ang mga taong ito ng isang taong mabait at pinapakitunguhan ang mga tao nang sinsero, taos-pusong tinutulungan ng mga taong ito ang taong iyon kapag nahihirapan at nangangailangan ng tulong, at umaasa ang mga taong ito sa ikabubuti ng taong iyon at nais nilang bigyan ng mga benepisyo, tulong, at pagpapatibay—ang tingin ng mga anticristo sa mga taong ito ay hangal at bobo. Hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga positibong elementong ito ng pagkatao ay mabubuti o magagandang bagay na dapat taglayin ng mga tao. Sa halip, sa puso nila, nararamdaman nila ang pagkamuhi, pagkasuklam, at panglalait sa mga katangiang ito na mahalaga sa normal na pagkatao. Tinatawag nilang hangal ang mga tapat na tao; ganoon din ang tawag nila sa mababait na tao, at lalo na sa mga sinserong tao. Ang mga nananampalataya sa Diyos nang may kaunting katapatan, at gumagawa ng mga tungkulin nila nang may kaunting katapatan, na may mabuting puso at hindi kailanman nananakit o namiminsala ng ibang tao, na nagmamahal at nakikisimpatiya sa iba, na kayang isantabi ang sarili nilang mga pakinabang at malampasan ang sarili nilang mga suliranin para tumulong sa iba, na nakakaramdam ng pasanin at pananagutan kapag nakikita ang mga mahina at nangangailangan ng tulong—nagkikimkim ng higit pang panglalait ang mga anticristo sa mga taong ito sa kaibuturan nila. Tungkol naman sa mga taong may medyo matapat na pananampalataya sa Diyos, na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, na tumatanggap sa pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay, na kayang gampanan ang mga tungkulin nila nang may sinseridad, pagkamatapat, at pananagutan, at ang mga humaharap sa mga tungkulin nila nang may sinserong saloobin—nilalait at kinamumuhian ng mga anticristo sa kaibuturan nila ang mga gayong indibiduwal, halatang iniiwasan at nilalayuan nila ang mga ito sa panlabas. Sa mata ng mga anticristo, hindi talaga positibo ang lahat ng positibong elementong ito na mahalaga sa normal na pagkatao: Hindi karapat-dapat na purihin o itaguyod ang mga ito. Sa halip, naniniwala ang mga anticristo na kahanga-hanga ang sarili nilang mga pakana, estratehiya, panloob na pamamaraan ng pakikitungo sa mga tao, at kalupitan. Sa lahat ng oras, anuman ang ginagawa nila, pinag-iisipan at pinipino nila ang kanilang mga pamamaraan at pakana sa isipan nila. Hindi alintana ang laki ng usapin, naniniwala silang mahalaga at kinakailangang kumilos sa ganitong paraan; kung hindi, magdudulot ito ng mga kawalan at pinsala sa reputasyon nila. Dahil umiiral ang mga elementong ito sa pagkatao ng mga anticristo, kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan? Maisasagawa ba nila ang katotohanan? Talagang hindi. Paano mo man bigyang-diin ang katapatan, kabaitan, at iba pang positibong bagay, na hinihingi sa mga tao na taglayin ang mga aspektong ito at tratuhin ang mga tao, tratuhin ang mga tungkulin nila, at harapin ang iba’t ibang usapin ayon sa positibong pagkataong ito, sa kaibuturan ng puso ng mga anticristo, may pagtanggi, panglalait, at poot sa mga bagay na ito. Bakit? Dahil ganap na walang mga gayong positibong bagay ang mga anticristo; ang taglay nila sa kanilang diwa ay isang katangian ng pagiging mapaminsala at malupit na kabilang sa isang malademonyong kalikasan. Mayroon bang agwat sa pagitan ng katangiang ito at ng pagiging tapat, mabait, at sinsero, na gaya ng hinihingi ng Diyos? Hindi lang may agwat sa pagitan ng dalawa, kundi magkasalungat mismo ang mga ito—dalawang katangiang magkaibang-magkaiba ang kalikasan. Mayroon bang kahit alinman sa mga pagpapamalas at pagbubunyag ng pagiging mapaminsala at malupit ng mga anticristo na umaayon sa normal na pagkatao? Umaayon ba ito sa katotohanan? Tiyak na hindi; mga plano at pakana ni Satanas ang lahat ng ito. Ang kalikasang ipinapamalas sa mga plano at pakana ni Satanas ay mismong pagiging mapaminsala at malupit, mga elementong hindi dapat umiiral sa normal na pagkatao gaya ng hinihingi ng Diyos. Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng pagiging mapaminsala at malupit na napagbahaginan na, pag-isipan kung may mga tao sa paligid ninyo na may gayong pagkatao. Ang mga anticristo, na may ganitong mapaminsala at malupit na katangian, ay tiyak na kayang kumilos. Ang mga kilos nila ay makikita, maririnig, at maaabot ng iba. Kung maaabot ang mga ito, dapat maramdaman ng mga tao ang mga ito at magawa nilang makilala at makilatis ang mga gayong indibiduwal. Ang mapaminsala at malupit na karakter ng mga anticristo ay dapat na isang pangkaraniwan at halatang pagpapamalas. Hindi ito isang nakatagong ideya, kaisipan, o layunin, kundi ang bunyag na pagkatao nila at ang mga pamamaraan, gawi, at estratehiya ng mga kilos nila. Dapat kayang mapansin ng mga tao ang aspektong ito.

C. Walang Pagpapahalaga sa Dangal at Walang Kahihiyan

May pagiging simple sa normal na pagkatao, pero mga simpleng tao ba ang mga anticristo? Maliwanag na hindi. Taliwas sa pagiging simple ang pagiging mapaminsala, malupit, at ang palagiang pagsisinungaling na napagbahaginan natin. Madaling maunawaan ang pagiging simple, kaya hindi na natin ito pagbabahaginan. Pagbahaginan natin ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal. Ang pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal ay isang bagay na dapat mayroon sa normal na pagkatao; pagkakaroon ng katwiran ang ibig sabihin nito. Ano ang kabaligtaran ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa dangal? (Walang kahihiyan.) Ang kahulugan ng pagiging walang kahihiyan ay ang pagiging makapal ang mukha. Sa madaling salita, maaari itong ibuod bilang kawalan ng pagpapahalaga sa dangal. Ano ang ginagawa ng mga anticristo, at ano ang mga partikular na pagpapamalas o pagsasagawa na nagpapakita na wala silang pagpapahalaga sa dangal at walang kahihiyan? Lantarang nakikipag-agawan ang mga anticristo sa Diyos para sa katayuan, na nagpapakita ng kawalan ng pagpapahalaga sa dangal at kahihiyan. Tanging ang mga anticristo ang nakakagawa na lantarang makipag-agawan sa Diyos para sa katayuan at sa Kanyang mga hinirang na tao. Gusto man o ayaw ng mga tao, nais ng mga anticristo na kontrolin sila. May kakayahan man sila o wala, nais ng mga anticristo na magsikap para sa katayuan, at pagkatapos na makuha ito, umaasa sila sa iglesia, kumakain at umiinom mula sa mga hinirang na tao ng Diyos, hinahayaan ang mga hinirang na tao ng Diyos na tustusan sila nang wala silang ginagawang kahit ano. Hinding-hindi sila nagbibigay ng buhay para sa mga hinirang na tao ng Diyos, subalit nais nilang mapasailalim ang mga ito sa kanilang kapangyarihan, na himukin ang mga itong makinig, maglingkod, at magpakaalipin sa kanila, at nais nilang itatag ang sarili nilang posisyon sa puso ng mga tao. Kung nagsasabi ka ng maganda tungkol sa ibang tao, kung pinupuri mo ang dakilang kabaitan, biyaya, mga pagpapala, at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, hindi sila natutuwa at nasisiyahan. Gusto nilang purihin mo sila parati, na magkaroon sila ng puwang sa puso mo, na igalang at tingalain mo sila, at dapat wala itong ibang halo. Lahat ng ginagawa mo ay dapat para sa kanila at nang may pagsasaalang-alang sa kanila. Dapat mo silang unahin sa bawat pagkakataon, sa lahat ng iyong sinasabi at ginagawa, isinasaalang-alang ang kanilang mga iniisip at damdamin. Hindi ba’t kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal at kahihiyan? Hindi ba’t ganito kumilos ang mga anticristo? (Oo, ganito sila.) Ano pang ibang mga pagpapamalas ang mayroon? Ninanakaw at winawaldas nila ang mga handog, inaangkin nila ang mga handog sa Diyos. Wala rin itong pagpapahalaga sa dangal at kahihiyan—masyado itong halata!

Sa usapin ng pagnanakaw ng mga handog, may isang partikular na insidente. May ilang kapatid na naghandog ng mga aytem na ipinaabot sa isang partikular na iglesia, at napansin ng taong nakatalagang mag-ingat ng mga handog na may dalawang boteng walang tatak na nagsasabing para sa Itaas ang mga ito, at walang anumang partikular na tagubilin. Dahil hindi alam kung ano ang mga ito, itinabi niya ang mga ito nang walang pahintulot at hindi na ipinaabot sa Itaas. Nang maglaon, nang itanong Ko kung mayroon siya ng mga aytem na iyon, sinabi niyang may dalawa siyang bote. Itinanong Ko kung paano siya nagkaroon ng mga iyon na handa na, at ipinaliwanag niya ang sitwasyon, “Dahil dumating ang dalawang boteng ito nang walang tatak na nagsasaad kung ano ang mga ito o kung para sa Itaas ang mga ito, itinago namin ang mga ito rito. Kung may tatak ang mga ito na nagsasabing may silbi ito para sa amin, itatago at gagamitin namin ang mga ito. Kung maibebenta ang mga ito, ibebenta namin ang mga ito.” Ano sa palagay ninyo ang isyu rito? May ilang mahalagang bagay na ipinadala rito mula sa iba’t ibang lugar, may tagubilin ang ilan at marami ang walang tagubilin o tatak. Sa mga normal na kalagayan, kung gagamit ka ng makatwirang pagsusuri, kanino dapat ibigay ang mga aytem na ito? (Dapat ibigay ang mga ito sa Diyos bilang mga handog.) Dapat ganito mag-isip ang mga taong may normal na katwiran. Gayumpaman, may nagsabi, “Walang tatak ang mga bagay na ito na nagsasabing para sa itaas ang mga ito.” Ang ibig ipahiwatig ng taong iyon ay, “Hindi ito para sa iyo. Ano ang kinalaman ng mga ito sa iyo? Dahil hindi nakalagay na para sa iyo ito, may karapatan akong pangasiwaan ang mga ito. Hindi ko ibibigay sa iyo ang mga ito. Kung gusto kong ibenta ang mga ito, ibebenta ko ang mga ito. Kung gusto kong gamitin ang mga ito, gagamitin ko ang mga ito. Kung ayaw kong gamitin o ibenta ang mga ito, iiwan ko na lang ang mga ito roon at sasayangin ang mga ito!” Ito ang pananaw ng taong namamahala. Ano ang palagay mo sa pananaw na ito? Mayroon bang mga taong nagdadala ng mahahalagang aytem mula sa malayo patungo sa iglesia o ibinibigay ang mga ito sa mga indibidwal nang hindi tinutukoy kung para kanino ang mga ito? (Wala.) Sino ang magpapakita ng napakalaking pagmamahal upang magbigay ng mahahalagang aytem sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, o sa mga kapatid? Hanggang sa araw na ito, wala pa Akong nakitang may ganoong kalaking pagmamahal, o sinumang nagbibigay ng ganoong handog o kawanggawa. Kahit na para sa mga ordinaryo at di-mamahaling bagay, kailangan mong bayaran ang mga ito. Kaya, tungkol sa mahahalagang bagay na ito, mayroong bang sinumang basta-basta na lang ibinibigay ang mga ito nang libre? (Wala.) Kahit na hindi tinukoy ng mga taong nagpadala ng mga aytem na ito kung para kanino ang mga ito, dapat malaman ng mga tao kung sino ang dapat na tumanggap ng mga ito; isang pagkamakatwiran ito na dapat mayroon sa pagkatao. Paano dapat pangasiwaan ng taong namamahala ang usaping ito? Paano niya dapat pangasiwaan ang mga aytem na ito? Sa pinakamababa, dapat niyang itanong sa Itaas, “Gusto Mo ba ang mga aytem na ito? Kung hindi, paano namin ito dapat na pangasiwaan?” Sa dalawang tanong lang na ito, puwedeng nalutas na ang isyu; ipapakita ng dalawang tanong na ito na may normal na pagkamakatwiran ang pagkatao ng isang tao. Pero hindi man lang magawang itanong ng taong namamahala sa pag-iingat ng mga handog ang dalawang simpleng tanong na ito, ni hindi niya taglay ang pinakamahalagang pagkamakatwiran na dapat taglayin ng isang tao. Paano niya naisip na para sa iglesia ang mga aytem na ito? Dagdag pa niya, “Walang nakalagay na para sa itaas ang mga ito.” Hindi ba’t problema ito? Ano ang ipinapahiwatig ng “Walang nakalagay na para sa itaas ang mga ito”? Bakit niya idinagdag ang pahayag na ito? (Upang makahanap ng dahilan para sa basta-basta na lang niyang pagwawaldas ng mga handog sa Diyos.) Iyon nga mismo. Puwede bang taglayin ng isang taong gumagawa ng mga gayong bagay ang pagpapahalaga sa pagpapahalaga sa dangal sa pagkatao nila? Malinaw na hindi. Anong uri ng pagkatao ang taglay ng isang tao na walang ganitong karakter? Hindi ba’t kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal? Talaga bang hindi niya alam na handog ang mga ito? Alam niyang handog ang mga ito, pero dahil wala siyang pagpapahalaga sa dangal sa pagkatao niya, nakakapagsalita siya ng mga gayong salita na walang kahihiyan, at pagkatapos, nagagawa niyang natural at basta-basta na lang tamasahin, agawin, at waldasin ang mga handog, inaangkin niya ang mga ito. Tanging ang mga taong may pagkatao ng mga anticristo ang nagpapakita ng mga gayong pagpapamalas.

Walang konsensiya at katwiran ang mga anticristo; paano pa nga ba nila ipinapamalas na wala silang pagpapahalaga sa dangal at kahihiyan? Kapag gumagawa sila ng mali, hindi sila nakakaramdam ng pagsisisi, at hindi sila nakokonsensiya sa puso nila. Hindi sila nag-iisip kung paano itatama ang mga pagkakamali nila o magpapakita ng pagsisisi, at naniniwala pa nga sila na makatwiran ang mga ginawa nila. Kapag nahaharap sa pagpupungos o kapag pinapalitan sila, nararamdaman nilang naagrabyado sila. Walang tigil silang nakikipagtalo at gumagamit ng mga salitang mapanlinlang—kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal. Hindi sila gumagawa ng anumang tunay na gawain; sa bawat pagkakataon, sinesermunan nila ang iba at inililigaw ang mga tao gamit ang mga walang kabuluhang teorya, na nagpapapaniwala sa iba na espirituwal sila at nakakaunawa sa katotohanan. Madalas din silang magyabang tungkol sa kung gaano karami ang kanilang nagawa at napagdusahan, sinasabing karapat-dapat nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos at ang pagtanggap at pangangalaga ng mga kapatid, kaya parang natural na lang na namumuhay sila mula sa iglesia, at nais din nilang kumain at uminom ng masasarap at magtamasa ng espesyal na pagtrato. Kawalan ito ng pagpapahalaga sa dangal at kahihiyan. Bukod pa rito, kahit malinaw na mahina ang kakayahan nila, na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at wala rin silang kakayahang gumawa ng anumang gawain, nagmamayabang sila na may kakayahan at mahusay sila sa lahat ng bagay. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Kahit malinaw na wala silang alam, nagpapanggap silang alam nila ang lahat para pahalagahan at tinagalain sila ng mga tao. Kapag may mga tao na may mga isyu pero hindi humihingi ng payo nila, at sa halip ay humihingi ng tulong sa iba, nagagalit, nagseselos, at naghihinanakit sila, naghahanap sila ng anumang paraan para pahirapan ang taong iyon. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Halatang madalas silang magsinungaling, na may iba’t iba silang tiwaling disposisyon, pero nagpapanggap sila na wala silang mga tiwaling disposisyon, na pinapaboran at minamahal sila ng Diyos; sa bawat pagkakataon, nagpapanggap silang napakahusay nila sa pagtitiis ng pagdurusa, na kaya nilang magpasakop, na kaya nilang tanggapin ang katotohanan at ang pagpupungos, na hindi sila takot sa mahirap na trabaho o sa pagpupuna, at na hindi sila kailanman nagrereklamo—pero sa realidad, puno sila ng hinanakit. Kahit na halata ang kawalan nila ng kakayahang magbahagi ng anumang pagkaunawa, o magtalakay ng anumang katotohanan nang malinaw, at wala silang patotoong batay sa karanasan, nagpapanggap at nagkukunwari sila, nagsasalita nang walang kabuluhan tungkol sa sarili nilang kaalaman para isipin ng mga tao na espirituwal sila at maraming nauunawaan. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Malinaw na marami silang problema at masamang pagkatao, ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang walang katapatan, at umaasa lang sila sa sarili nilang talino at katusuhan sa anumang trabahong kanilang ginagawa, hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, pero naniniwala pa rin silang nagdadala sila ng pasanin, na napakaespirituwal nila at may kakayahan sila, at nakakahigit sila sa karamihan ng tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng kawalan ng pagkatao ng mga anticristo? Hindi ba’t madalas silang nagbubunyag ng mga gayong bagay? Malinaw na wala silang pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo, at kahit ano pa ang gawain nila, hindi nila mahanap ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, pero ayaw nilang maghanap o makipagbahaginan; umaasa sila sa sarili nilang katusuhan, karanasan, at talino para matapos ang gawain. Gusto pa nga nilang maging lider, utusan ang iba, at gusto nilang sumunod sa kanila ang lahat, at naiinis at nagagalit sila kapag may hindi sumusunod sa kanila. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Dahil may mga ambisyon, kaloob, at kaunting katusuhan sila, gusto nila parating mamukod-tangi sa sambahayan ng Diyos, at gusto nilang ilagay sila ng sambahayan ng Diyos sa mahahalagang posisyon at linangin sila. Kung hindi sila nililinang, sumasama ang loob nila at naghihinanakit sila, nagrereklamo na hindi patas ang sambahayan ng Diyos, na hindi nito nakikilala ang mga tao na may talento, at walang mabuting hukom ng talento sa sambahayan ng Diyos na makakatuklas sa mga pambihira nilang abilidad. Kung hindi sila nililinang, ayaw nilang magsikap nang husto sa paggawa ng mga tungkulin nila, magtiis ng kahirapan, o magbayad ng halaga; sa halip, gusto lang nilang gamitin ang katusuhan nila para makaiwas sa trabaho. Sa puso nila, umaasa silang may isang tao sa sambahayan ng Diyos na magpapahalaga at magtataas sa kanila, para mahigitan nila ang iba at maisakatuparan ang mga dakila nilang plano rito. Hindi ba’t mga ambisyon at pagnanais ang mga ito? Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng mga anticristo? Kung talagang mayroon kang mga abilidad, dapat mong hangarin ang katotohanan, ituon ang pansin sa paggawa ng mga tungkulin mo nang maayos, at natural na papahalagahan ka ng mga hinirang na tao ng Diyos. Kung wala kang taglay na katotohanan at gusto mo pa rin parating mamukod-tangi, masyado na iyang walang katwiran! Kung mayroon ka ring mga ambisyon at pagnanais, at palagi mong gustong gawin ang lahat-lahat, tiyak na babagsak ka. Dahil minsan nang nagkaroon ng partikular na katayuan at katanyagan sa lipunan, gusto ng ilang tao na gamitin ang kanilang impluwensiya, magkaroon ng huling salita, at gusto nilang sumunod sa kanilang mga utos ang lahat pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos at pumasok sa Kanyang sambahayan. Gusto nilang ipakita ang kanilang mga kwalipikasyon at kredensiyal, itinuturing nilang mas mababa kaysa sa kanila ang lahat at iniisip nilang dapat mapasailalim sa kapangyarihan nila ang lahat. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Oo. Kapag nagkakaroon ng ilang resulta at gumagawa ng ilang kontribusyon ang ilang tao habang ginagawa ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, gusto nila parati na tratuhin sila ng mga kapatid nang may malaking respeto, bilang nakatatanda, may matataas na ranggo, at espesyal na mga tao. Gusto pa nga nilang tingalain sila ng mga tao, sundin sila, at pakinggan sila. Nagnanais silang maging pangunahing tao sa iglesia; gusto nilang magpasya sa lahat ng bagay, magbigay ng hatol at magkaroon ng huling salita sa lahat ng usapin. Kung walang makikinig o susunod sa sinasabi nila, gusto nilang iwanan ang kanilang tungkulin, at sirain at pagtawanan ang lahat ng ibang tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Bukod sa kawalan ng kahihiyan, partikular silang mapaminsala—anticristo ang mga ito.

Masyadong laganap ang pagpapamalas na ito ng kawalan ng kahihiyan sa karakter ng mga anticristo. Ipinapakita ito ng karamihan sa mga tao sa ilang antas, pero hindi lang may ganitong pagpapamalas ang mga anticristo; hindi rin nila kailanman kinikilala kung gaano kalala ang kalikasan nito, hindi rin sila nagsisisi, hindi nila sinusubukang alamin ito, o maghimagsik laban dito. Sa halip, itinuturing nilang natural ito, na nagpapakita ng kanilang pagtanggi na tanggapin ang katotohanan. Gaano man kawalang kahihiyan, kawalang katwiran, kakasuklam-suklam, at kakamuhi-muhi ang ugali nila, naniniwala pa rin silang likas at may katwiran ito. Iniisip nilang makatwiran ito, at nararapat silang mamuno dahil sa kanilang mga kaloob at abilidad, at na dapat nilang igiit ang kanilang senyoridad, at na dapat makinig sa kanila ang iba, dahil sa mga kontribusyon nila, at hindi nila ito nakikita bilang isang bagay na walang kahihiyan. Hindi ba’t wala na silang pag-asa? Hindi ito normal na pagkatao; ito ang karakter ng mga anticristo. Maaaring magkaroon ng mga ganitong pagpapamalas at kaisipan ang mga ordinaryong tiwaling tao sa mas malaki o maliit na antas, at sa iba’t ibang antas ng kalubhaan, pero sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pagtanggap at pag-unawa sa katotohanan, kinikilala nila na hindi dapat taglayin ng normal na pagkatao ang mga gayong bagay. Kinikilala rin nila na kapag lumitaw ang mga gayong ideya, kaisipan, plano, o di-makatwirang kahilingan, dapat silang maghimagsik laban sa mga ito, dapat nilang bitiwan, baligtarin ang mga ito, dapat silang matutong magsisi, dapat nilang tanggapin ang katotohanan, at dapat nilang isabuhay ayon sa katotohanan. Ano ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling indibidwal? Ang pagkakaiba nila ay nasa katunayang hindi kailanman maniniwala ang mga anticristo na ang kanilang mga ideya, kaisipan, at pagnanais ay mali, kinokondena, at kinamumuhian ng Diyos, o na mga negatibong bagay na mula kay Satanas ang mga ito. Bilang resulta, hindi nila kailanman binibitawan ang mga kaisipan o paniniwalang ito. Sa halip, itinutuloy nila ang mga ito, hindi sila naghihimagsik laban sa mga ito, at tiyak na hindi nila tinatanggap ang tama at positibo, at hindi nila hinahayaang ito ang maging pagsasabuhay na dapat nilang gawin at ang mga prinsipyong dapat nilang sundin. Ito ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling indibidwal. Tingnan mo sa paligid: Sinumang ganito kawalang kahihiyan, pero hindi ito kailanman kinikilala o wala man lang kamalayan dito, ay isang tipikal na anticristo.

May isa pang tipikal na katangian ang mga anticristo na madaling makilatis ng mga tao: Wala silang kahihiyan. Tulad ng nasusulat sa Bibliya, “Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kanyang mukha” (Kawikaan 21:29)—ang mga anticristo lang ang tunay na masasamang tao. Walang kahihiyan ang mga anticristo; kahit gaano karami ang kanilang ginagawang walang kahihiyan, hindi sensitibo sa damdamin ng mga tao, at salungat sa katotohanan, hindi nila ito namamalayan, ni hindi nila ito kinikilala. Hindi nila tinatanggap ang tama o positibo at hindi nila binibitiwan ang mga mali nilang pananaw at pagsasagawa; sa halip, ipinagpapatuloy nila ang mga ito hanggang sa huli. Ganito ang mga anticristo. Nasaang sitwasyon kayo? Kapag mayroon kayong mga ganitong hindi makatwirang kahilingan, mga walang kahihiyang kaisipan, at mga layunin at ideyang kinasusuklaman ng Diyos, alam ba ninyo na kinamumuhian ito ng Diyos kaya nagagawa ninyong maghimagsik laban sa mga ito o bitiwan ang mga ito? O, pagkatapos marinig ang katotohanan, tumatanggi ba kayong bitawan ang mga ito, ipinagpapatuloy pa rin ba ang mga ito, at iniisip na tama kayo? (Kapag namamalayan ko ang mga ito, naiuugnay ko ang mga ito sa mga salita ng Diyos, at nararamdaman kong medyo kasuklam-suklam at walang kahihiyan ang mga kaisipang ito, at nagagawa kong manalangin at maghimagsik laban sa mga ito.) Hindi mga anticristo ang mga taong may kamalayang manalangin at maghimagsik laban sa mga ito; mga tipikal na anticristo ang mga hindi kailanman nananalangin o naghihimagsik laban sa mga ito, pero sumusunod sa sarili nilang mga kaisipan, sumasalungat sa Diyos sa puso nila, at tumatangging tanggapin ang katotohanan. Kahit gaano kawalanghiya ang mga ginawa nila, tumatanggi silang aminin o kilalanin ang mga ito. Hindi ba’t halata na ang mga ito ay mga taong hindi tumatanggap sa mga positibong bagay kundi nagmamahal sa mga negatibo at masamang bagay? Hindi ba ninyo matukoy kung saang kategorya kayo nabibilang, o hindi ba kayo kailanman nagkaroon ng mga ganitong kaisipang walang kahihiyan? (Nagkaroon na ako ng mga ganitong kaisipan, at pagkatapos mamalayan ang mga ito, nagawa kong manalangin sa Diyos at maghimagsik laban sa mga ito. Minsan hindi ko namamalayan ang mga ito, kumilos at nagsalita ako nang hindi nararamdaman na walang kahihiyan ang mga ito, at napagtanto ko lang ito pagkatapos kong malantad, at saka ko nagawang manalangin at maghimagsik laban sa mga ito.) Kung hindi mo namamalayan na walang kahihiyan ang mga bagay na ito, hindi ito isyu; kung namamalayan mo ito pero hindi mo tinatanggap ang katotohanan o hindi ka naghihimagsik laban sa sarili mo, malubhang problema ito. Kadalasan, manhid ka, hindi mo ito naiuugnay sa mga salita ng Diyos, at hindi mo alam kung ano ang problema mo. Pero kung agad kang nakararamdam ng pagkakasala at pagsaway sa puso mo kapag namalayan mo ito, at labis kang nahihiyang makita ang sinuman, at iniisip na ang iyong sarili ay kasuklam-suklam, mababa, at may mahinang integridad, at kaya kinakamuhian at kinakasuklaman ang sarili mo, pagkatapos ay iniisip mo kung paano babaguhin at bibitawan ang mga bagay na ito, isa itong normal na sitwasyon. Kung magagawa ninyong maghimagsik laban sa sarili ninyo kapag mamalayan na ninyo ito, mayroon kayong pag-asang maligtas. Kung namalayan na ninyo ito at hindi pa rin kayo naghimagsik laban sa sarili ninyo, wala kayong pag-asang maligtas. Ang kaligtasan ng isang tao ay nakasalalay sa kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Puwedeng sabihin ng ilang tao, “Manhid ako at mapurol ang utak ko, at mahina ang kakayahan ko, pero hangga’t nauunawaan ko ang kaunting naririnig ko, kaya kong magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos at maghimagsik laban sa sarili ko.” Maliligtas ang mga gayong tao. Gaano man kahusay ang kakayahan ng isang tao o gaano man karaming katotohanan ang nauunawaan niya, kung hindi siya maghihimagsik laban sa sarili niya, kung igigiit niyang hindi isagawa o tanggapin ang katotohanan, at labanan at salungatin ito sa puso niya, katapusan na nito—wala na siyang pag-asa. Ang pagiging walang kahihiyan ay isang tipikal na katangian din ng ugali ng mga anticristo. Tingnan ninyo kung may mga gayong tao sa paligid ninyo, at pagkatapos ay suriin ang sarili ninyo para matukoy kung nabibilang kayo sa kategoryang ito—kung palagi ninyong nararamdamang perpekto at dakila kayo, kung palagi ninyong itinuturing ang sarili ninyo bilang isang tagapagligtas, kung palagi ninyong hangad na mailagay sa mas mataas na posisyon kaysa sa iba, kung palagi kayong sabik na ikompara ang sarili ninyo sa iba sa anumang grupo para makita kung gaano kayo kataas sa kanila, at nalalampasan man ninyo o hindi ang ibang tao, gusto ninyong namumukod-tangi, at gusto ninyong mataas ang pagtingin ng iba sa inyo, na mangibabaw kayo sa karamihan, at maging espesyal sa grupo. Bakit ka naman naging espesyal? May mga sungay ka bang tumutubo sa ulo mo, o tatlong mata, o tatlong ulo at anim na braso? Walang espesyal sa iyo, kaya bakit palagi mong nararamdaman na nangingibabaw at natatangi ka? Pagiging walang kahihiyan ito. Sa isang banda, wala namang partikular na espesyal sa likas na pisikal mong abilidad, at sa kabilang banda, wala namang partikular na espesyal sa kakayahan mo. Ang mas mahalaga, ikaw, tulad ng lahat, ay puno ng mga tiwaling disposisyon, walang pag-unawa sa katotohanan, at kauri ni Satanas na lumalaban sa Diyos. Ano ang maipagmamalaki mo? Malinaw na wala kang maipagmamalaki. Ang kaunting kasanayan, abilidad, kaloob, at talentong taglay mo ay hindi na karapat-dapat na banggitin pa, dahil hindi kumakatawan ang mga ito sa normal na pagkatao at walang kaugnayan sa mga positibong bagay. Pero, iginigiit mong ibida ang mga bagay na hindi naman karapat-dapat na banggitin, itinuturing ang mga ito bilang sarili mong mga medalya ng pagpapahalaga sa dangal, ipinagmamalaki ang mga ito kahit saan bilang iyong kaluwalhatian at kapital, para makuha ang pagpapahalaga at paggalang ng mga tao, ginagamit mo pa ang mga ito bilang kapital para tustusan ka ng ibang tao, at matamasa mo ang pagpapahalaga at espesyal na pagtrato ng iba. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Ang mga hindi makatwirang kahilingan, kaisipan, layunin, ideya, at iba pang mga gayong bagay na dulot ng hindi normal na pagkatao at katwiran ay pawang mga pagpapamalas ng pagiging walang kahihiyan. Kung nangingibabaw ang mga pagpapamalas ng pagiging walang kahihiyan sa pagkatao ng isang tao, at nagiging pangunahing katangian niya na pumipigil sa kanya na tanggapin at maunawaan ang katotohanan, isa itong tipikal na karakter ng mga anticristo.

Ginagastos ng ilang tao ang mga handog para ibili ang mga kapatid ng mga bagay na masasarap, matataas ang kalidad, at sunod sa mga uso, sinasabing ginagawa nila ito alang-alang sa mga kapatid, para makapamuhay ang mga ito nang masaya at walang alalahanin sa sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay maging mapagpasalamat sa pagmamahal ng Diyos. Ano ang palagay mo sa ideyang ito? Medyo makatao ba ito? (Hindi, hindi ito makatao. Itinuturing nila ang mga handog sa Diyos na parang sarili nilang pera, ginagastos nila ang mga ito ayon sa kagustuhan nila, sa halip na gamitin ang mga handog sa normal at makatwirang paraan nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos.) Anong problema ng pagkatao ito? (Pagiging walang kahihiyan.) Nagiging tipikal na anticristo ang mga gayong indibidwal sa sandaling magkaroon sila ng katayuan. Ginagamit nila ang mga handog para makuha ang loob ng iba, sinasabi nila, “Kulang sa damit ang mga kapatid at mahirap ang buhay nila. Marami silang pinagdadaaan, at walang nagmamalasakit dito. Napansin ko ito, at ako na ang bahala rito. Para maging maginhawa ang mga kapatid, para maramdaman nila ang init ng diyos, ang dakilang pagmamahal ng diyos, at ang biyaya ng diyos habang naninirahan sila sa kanyang sambahayan, kailangang gastusin ang pera ng sambahayan ng diyos para matugunan ang bawat aspekto ng buhay nila. Kaya, kailangang pag-isipan ito, at maingat na isaalang-alang kung ano ang kulang o kailangan ng mga kapatid. Kailangang bumili ng mga basong may takip na nagpapanatili ng init o lamig upang maging maginhawa para sa mga kapatid na uminom ng tubig at para madala nila ito kapag lumalabas sila. Kailangan ding bumili ng mga upuan para sa mga kapatid: Dapat may malambot na sandalan ang mga upuan para hindi sumakit ang likod nila sa matagal na pag-upo. Dapat maginhawang umupo sa mga upuang ito, at dapat may tamang taas, anggulo, at lambot ng mga ito. Anuman ang presyo, hindi natin dapat tipirin ang mga kapatid, dahil sila ang mga haligi ng sambahayan ng diyos at ang kapital at pundasyon para sa pagpapalawak ng gawain ng sambahayan ng diyos. Kaya naman, ang maayos na pag-aalaga sa mga kapatid ay nagpapabuti sa gawain ng sambahayan ng diyos.” Ang karamihan sa kapatid, sa pagkarinig nito, ay napapaiyak, labis silang nagpapasalamat at paulit-ulit nilang sinasabi na dakilang pagmamahal ito ng Diyos. Ang mga namamahala sa bagay ito ay nakakaramdam ng init sa kalooban kapag naririnig nila ito, iniisip nila, “Sa wakas, may mga tao na nakakaunawa sa puso ko.” Ano ito? (Pagiging walang kahihiyan.) Paano naging kawalang kahihiyan ang pagbibigay ng mga gayong malaking benepisyo sa mga kapatid? Paninirang-puri ba ito? (Hindi, hindi ito paninirang-puri.) Ginagamit nila ang pera ng sambahayan ng Diyos para magpakita ng pagigging bukas-palad para makuha ang loob ng mga tao, at kunwaring nagpapakita ng malasakit at pagmamahal sa mga kapatid. Ano ang totoo nilang pakay? Sa mas simpleng salita, ito ay para matamasa ang mga benepisyong ito kasama ang mga kapatid. Kung sasabihin nang mas mabigat, ito ay para makuha ang loob ng mga tao, para matiyak na palagi silang matatandaan ng mga tao, magkaroon sila ng puwang sa puso ng mga kapatid, at maalala kung gaano sila kabuti. Kung sarili nilang pera ang ginagastos nila, ganito rin ba nila tatratuhin ang mga kapatid? (Tiyak na hindi.) Mabubunyag ang tunay nilang mga kulay, at hindi nila tatratuhin nang ganito ang mga tao. Batay sa walang ingat nilang paggamit ng mga handog sa Diyos ayon sa kagustuhan nila, mga tao silang walang integridad at mga moral na pamantayan, ubod sila ng sama at walang hiya. Magagawa ba nilang tratuhin ang iba nang may tunay na kabaitan? Anong klaseng tao sila? (Mga anticristo sila na walang kahihiyan.) Mayroon ding pagiging mapaminsala at malupit sa ganitong kawalan ng kahihiyan na taglay at ipinapamalas ng mga anticristo sa pagkatao nila—gumagamit sila ng mga kasinungalingan para makamit ang mga personal nilang layon. Alin sa mga salitang lumalabas sa bibig nila ang totoo? Habang tila lubha silang mapagmalasakit sa mga tao, na talagang mahal nila ang mga ito, at talagang iniisip-isip nila ang mga ito, kapag walang nakakakita, nagkikimkim talaga sila ng mga mapaminsalang intensiyon. Sila mismo ay walang ibinabayad na halaga; ginagastos nila ang mga handog, at sa huli, ang sambahayan ng Diyos ang nalulugi habang sila ang nakikinabang. Ganito ang ginagawa ng mga anticristo—hindi lang mga wala silang kahihiyan, mga mapaminsala at malupit din sila. Palagian silang nagsisinungaling, pinagsisinungalingan at nilalansi nila ang mga tao kahit saan sila pumunta, wala silang binibigkas ni isang totoong salita. Ito pa nga lang ay nakakasuklam na, pero ipinagmamalaki pa nila na sila ay mga taos-puso, mabait, mabuti sa iba, mapagmahal, may simpatiya, at hindi nila kayang maging matigas ang loob sa sinuman o maghiganti laban sa mga nang-aapi sa kanila. Ipinagmamalaki pa nila na perpekto sila at mga disenteng indibidwal, gustong magkaroon ng magandang imahe at magkaroon ng puwang sa puso ng mga tao. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Ito ang kalikasan ng mga anticristo; puno ng mga gayong bagay ang pagkatao nila.

Tungkol sa mga tao na walang pakundangan sa paggawa ng masasamang bagay at walang kahihiyan, medyo kaya silang makilatis ng mga tao, pero hindi madaling makita na walang kahihiyan ang mga anticristo. Nakakita Ako ng isang espesyal na pagpapamalas ng isang anticristo na walang kahihiyan: Madalas siyang magpakita ng pagiging mapusok at mapagmataas, palagian siyang nagsisinungaling, at sistematiko ang paraan niya ng pagsasalita, na maayos at organisado. Gayumpaman, pagdating sa pangangasiwa ng mga gawain, hindi niya matapos ang sinimulan niya, walang pakundangan siyang gumagawa ng masama, at wala siyang anumang prinsipyo. Pagkatapos ng ilang panahon ng paggawa ng mga tungkulin niya sa sambahayan ng Diyos, napasama ang lahat ng kanyang ginawa, at wala siyang nagawang maayos. Ang pinakakritikal na problema ay gusto pa rin niyang iligaw ang mga tao, mag-iwan ng magandang impresyon sa puso nila, at sa bawat pagkakataon ay nagtatanong siya kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa kanya at kung iginagalang ba siya. Sa huli, nang naging malinaw na palagi siyang nagkakamali sa kanyang mga tungkulin at wala siyang nagagawang maayos, pinaalis siya ng sambahayan ng Diyos. Hindi lang siya nabigong kilalanin ang mga malinaw na pagpapamalas na ito, kundi ay nagpanggap pa siyang inosente noong pinaalis siya. Ano ang ibig sabihin ng pagpapanggap na inosente? Ibig sabihin nito, hindi niya kailanman inamin ang mga nakaraang masama niyang gawa—ang kanyang mga kasinungalingan, panlalansi, at ang panlilihis niya sa ibang tao, pati na ang paglikha niya ng isang nagsasariling kaharian at pagpapasailalim ng iglesia sa kontrol ng sarili niyang pamilya, ang pagiging walang pakundangan sa paggawa ng masama at pagkilos nang walang prinsipyo, ang hindi niya kailanman paghahanap sa katotohanan, at maging ang paggawa ng kahit ano ayon sa kagustuhan niya, kasama ang iba pang masasamang gawa—at hindi niya kailanman nagawang kilalanin ang masasamang kilos niya. Taliwas dito, naniwala siya na ginawa niya ang kanyang tungkulin sa sambahayan ng Diyos sa loob ng maraming taon, na nagdusa siya nang husto, nagbayad ng mataas na halaga, gumugol ng mahabang panahon, at naglaan ng napakaraming lakas, pero sa huli, umabot siya sa puntong nagkaroon siya ng masamang reputasyon at hinamak siya ng lahat, walang sinumang naawa o nakisimpatiya sa kanya, at walang sinumang nagtatanggol sa kanya. Hindi ba’t pagkukunwari ito na inosente siya? Anong uri ng pagkatao ang pagpapamalas na ito ng pagkukunwaring inosente? (Kawalan ng katwiran at pagiging walang kahihiyan.) Mismo. Itinuring niya ang mga bagay na ginawa niya at ang mga tungkuling dapat niyang gampanan bilang kanyang mga merito. Ganap niyang itinanggi ang anumang bagay na ginawa niya na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo o na nakakagulo o nakakagambala, at sa huli, nagkunwari siyang inosente. Pagiging walang kahihiyan ito, at isa siyang tipikal na anticristo. Nakatagpo na ba kayo ng mga gayong indibidwal? Anuman ang italaga mo sa kanila o anuman ang mga gawaing ibigay mo sa kanila, lagi silang naghahanap ng mga tagasuporta, nagtatayo ng nagsasariling kaharian, at pinipigilan ang iba na mangibabaw para sila ang umangat. Gusto nilang malampasan ang lahat, walang anumang matapat sa sinasabi nila sa sinuman, hindi matiyak ng mga nakikinig sa kanila kung alin sa mga pahayag nila ang totoo at alin ang huwad. Kapag pinaalis na sila sa huli, iniisip pa rin nila na inosente sila at umaasa silang may magtatanggol sa kanila. Sa tingin ba ninyo ay may magtatanggol sa kanila? (Wala.) Kung may magtatanggol sa kanila, malamang na ito ay ignorante sa mga katunayan, isang mangmang, isang taong naligaw nila, o isang indibidwal na kauri nila.

D. Makasarili at Ubod ng Sama

Ang mga anticristo ay walang konsensiya, katwiran, o pagkatao. Bukod sa wala silang kahihiyan, kundi may isa pa rin silang tanda: Hindi pangkaraniwan ang kanilang pagiging makasarili at ubod ng sama. Ang literal na kahulugan ng kanilang “pagiging makasarili at ubod ng sama” ay hindi mahirap maunawaan: Bulag sila sa anumang bagay maliban sa sarili nilang mga interes. Nakatuon ang kanilang buong atensyon sa anumang bagay na may kinalaman sa sarili nilang mga interes, at magdudusa sila para dito, magsasakripisyo, itututok ang kanilang sarili para dito, at ilalaan ang kanilang sarili para dito. Magbubulag-bulagan naman sila at hindi papansinin ang anumang walang kinalaman sa kanilang sariling mga interes; magagawa ng iba ang anumang gusto nila—walang pakialam ang mga anticristo kung may sinumang nagiging mapanggambala o magulo, at para sa kanila, wala itong kinalaman sa kanila. Basta sarili lamang nila ang kanilang iniintindi. Subalit mas tumpak na sabihin na ang ganitong uri ng tao ay ubod ng sama, mababa, at marumi; inilalarawan natin sila bilang “makasarili at ubod ng sama.” Paano naipapamalas ang pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo? Sa anumang bagay na kapaki-pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, nagsisikap silang gawin o sabihin ang anumang kailangan, at kusang-loob silang nagtitiis ng anumang pagdurusa. Pero pagdating sa may kinalaman sa gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, o pagdating sa may kinalaman sa gawain na kapaki-pakinabang sa paglago ng buhay ng mga taong hinirang ng Diyos, lubos nilang binabalewala ito. Kahit kapag ang masasamang tao ay nanggagambala, nanggugulo, at gumagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, dahilan kaya lubhang naaapektuhan ang gawain ng iglesia, nananatili silang walang ginagawa at walang pakialam, na para bang walang kinalaman ito sa kanila. At kung may nakatuklas at nag-ulat ng masasamang gawa ng isang masamang tao, sinasabi nilang wala silang nakita at nagmamaang-maangan sila. Ngunit kung may isang taong nag-ulat sa kanila at naglantad na hindi sila gumagawa ng totoong gawain at naghahangad lamang ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagagalit sila nang husto. Mabilis na nagpapatawag ng mga pagpupulong upang talakayin kung paano tutugon, magsasagawa ng mga imbestigasyon upang malaman kung sino ang umatake sa kanila, kung sino ang namuno, at kung sino ang mga sangkot. Hindi sila kakain o matutulog hangga’t hindi nila nahuhuli ang mga taong nasa likod nito at hangga’t hindi ganap na nareresolba ang isyu—magiging masaya nga lamang sila kapag napabagsak na nila ang lahat na sangkot sa pag-uulat sa kanila. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Gawain ba ng iglesia ang ginagawa nila? Kumikilos sila para sa kapakanan ng sarili nilang kapangyarihan at katayuan, ganoon lamang kasimple. Nagpapatakbo sila ng kanilang sariling operasyon. Kahit ano pa ang suungin nilang gawain, hindi kailanman iniisip ng mga anticristo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isinasaalang-alang lamang nila ay kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling mga interes, ang iniisip lamang nila ay ang medyo magaan na gawaing nasa harapan nila na napapakinabangan nila. Para sa kanila, ang pangunahing gawain ng iglesia ay isang bagay lamang na ginagawa nila sa libre nilang oras. Hinding-hindi talaga nila ito sineseryoso. Gumagalaw lang sila kapag pinapakilos sila, ginagawa lamang ang gusto nilang gawin, at ginagawa lamang ang gawain na alang-alang sa pagpapanatili ng sarili nilang katayuan at kapangyarihan. Sa paningin nila, ang anumang gawaing isinaayos ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ang buhay pagpasok ng mga taong hinirang ng Diyos ay hindi mahalaga. Anuman ang mga paghihirap ng ibang mga tao sa kanilang gawain, anuman ang mga isyung matuklasan at maiulat sa kanila, gaano man katapat ang kanilang mga salita, walang pakialam ang mga anticristo, hindi nila isinasangkot ang kanilang sarili, na para bang wala itong kinalaman sa kanila. Gaano man kalaki ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng iglesia, lubos silang walang pakialam. Kahit pa nga nasa harapan na nila mismo ang isang problema, hinaharap lang nila ito nang pabasta-basta. Kapag tuwiran lamang silang pinungusan ng Itaas at inutusang ayusin ang isang problema ay saka lamang sila padabog at totohanang magtatrabaho nang kaunti at magpapakita ng resulta sa Itaas; pagkatapos na pagkatapos nito, magpapatuloy sila sa sarili nilang gawain. Wala silang interes at walang pakialam pagdating sa gawain ng iglesia, sa mahahalagang bagay na may mas malalawak na konteksto. Binabalewala pa nga nila ang mga problemang natutuklasan nila, at nagbibigay sila ng mga walang ganang sagot o ginagamit ang kanilang mga salita upang balewalain ka kapag tinatanong sila tungkol sa mga problema, hinaharap lamang ang mga ito nang may labis na pag-aatubili. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Higit pa rito, anuman ang tungkuling ginagawa ng mga anticristo, ang iniisip lamang nila ay kung tutulutan ba sila nitong mangibabaw; hangga’t patataasin nito ang kanilang reputasyon, pinipiga nila ang kanilang utak makaisip lamang ng paraan kung paano matutuhan ito, at kung paano ito isasakatuparan; ang iniintindi lamang nila ay kung magiging bukod-tangi ba sila dahil dito. Anuman ang gawin o isipin nila, iniisip lamang nila ang sarili nilang kasikatan, pakinabang at katayuan. Anuman ang tungkuling ginagawa nila, nakikipagkompitensiya lamang sila para makita kung sino ang mas mataas o mas mababa, kung sino ang mananalo at sino ang matatalo, kung sino ang mas may reputasyon. Ang mahalaga lamang sa kanila ay kung gaano karaming tao ang sumasamba at tumitingala sa kanila, gaano karami ang sumusunod sa kanila, at kung gaano karaming tagasunod ang mayroon sila. Hindi nila kailanman ibinabahagi ang katotohanan o nilulutas ang mga totoong problema. Hindi nila kailanman iniisip kung paano gawin ang mga bagay-bagay ayon sa prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, hindi rin sila nagninilay-nilay kung naging matapat ba sila, kung natupad ba nila ang kanilang mga pananagutan, kung nagkaroon ba ng mga paglihis o pagpapabaya sa kanilang gawain, o kung mayroon bang anumang mga problema, lalong hindi nila pinag-iisipan kung ano ang hinihingi ng Diyos, at kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila binibigyang-pansin ni bahagya ang lahat ng bagay na ito. Determinado lang silang nagsisikap at gumagawa ng mga bagay-bagay alang-alang sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, upang maisakatuparan ang sarili nilang mga ambisyon at pagnanais. Pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama, hindi ba? Lubos nitong inilalantad kung paanong ang kanilang mga puso ay nag-uumapaw sa sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi; lahat ng ginagawa nila ay naiimpluwensiyahan ng kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kahit ano pa ang gawin nila, ang motibasyon at pinagmumulan ay ang sarili nilang mga ambisyon, pagnanais, at walang katuturang hinihingi. Ito ang pinakatipikal na pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama.

Hindi gumagawa ng totoong gawain ang ilang lider; para mag-ulat sa Itaas, at para maiwasan ang pagpupungos o ang pagtatanggal, at para mapangalagaan ang sarili nilang katayuan, ginagawa nila ang lahat ng paraan sa mga kapatid, pinapagserbisyo ang mga ito para sa kanila. Sa gawain nila, puro salita at doktrina lang ang sinasabi nila, hindi sila nagbabahagi tungkol sa mga katotohanang prinsipyo, hindi nila nilulutas ang mga aktuwal na isyu, hindi nila tinutulungan ang iba nang may pusong mapagmahal, o isinasaalang-alang ang mga suliranin ng ibang tao, at hindi nila kailanman tinutugunan ang mga totoong suliraning kinakaharap ng mga tao habang ginagampanan ang mga tungkulin ng mga ito at sa buhay pagpasok ng mga ito. Hindi nila sinusuportahan ang sinumang negatibo. Maliban sa panunupil at pagsaway, puro doktrina lang ang sinasabi nila at isinisigaw lang nila ang kanilang mga islogan. Ano ang pakay nila? Hindi nila isinasaalang-alang ang pasanin ng Diyos, kundi nais nilang samantalahin ang kinalalabasan ng mga tungkuling ginagampanan ng mga kapatid, para palamutihan ang sarili nila at mapanatili ang kanilang katayuan. Kapag nagpapakita ang mga kapatid ng magagandang resulta sa paggampan ng tungkulin, nasisiyahan sila. Inaangkin nila ang kredito sa harap ng Itaas, lihim na pinupuri ang sarili nilang kabutihan at iniisip na nagawa nila ang kanilang tungkulin nang maayos. Bukod pa rito, nag-uulat sila sa Itaas tungkol sa maraming suliraning naranasan nila habang ginagawa ang trabahong ito, kung paano binuksan ng Diyos ang daan para sa kanila, kung paano nila pinangunahan ang mga kapatid na sama-samang magtrabaho nang mabuti at mapagtagumpayan ang mga suliraning ito, kung paano nila tinulungan ang mga kapatid na tapusin ang gawaing ito, kung paano sila sumunod sa mga prinsipyo, at kung paano nila pinaalis ang masasamang tao. Binibigyang-diin din nila ang halaga ng kanilang ibinayad at ang mga iniambag nila sa kanilang gawain, ipinapaalam sa Itaas na dahil sa sarili nilang pagsisikap kaya nagawa nang maayos ang trabaho. Ipinapahiwatig nila sa Itaas, “Ang pamumuno ko ay karapat-dapat sa reputasyon nito, at tama ang ginawa ninyong pagpili sa akin bilang lider.” Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Ang mga tao na nagpapamalas ng pagkataong makasarili at ubod ng sama ay madalas na may palaging iniimik. Halimbawa, pagkatapos maisaayos na manguna sila sa isang iglesia, palagi nilang sinasabi, “Napakaganda at napakahusay ng buhay-iglesia namin. Nagkaroon ang mga kapatid ko ng maganda at malalim na buhay pagpasok, may karanasan silang lahat sa buhay. Tingnan mo kung paano nila mahalin ang diyos, at kung gaano kahusay ang paggawa namin.” Ito ang palaging imik ng mga anticristo. Batay sa kanilang palaging imik, malinaw na tinatrato nila ang mga kapatid sa iglesia na pananagutan nila bilang sarili nilang mga tupa, na para bang lahat ng nasa ilalim ng pamamahala nila sa iglesia ay pribado nilang ari-arian. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? Bakit wala itong kahihiyan? Anumang pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama ay nagmumula sa kawalan ng kahihiyan. Kaya, ang pagiging makasarili at ubod ng sama ay kawalan ng kahihiyan. Ang mga taong ito na nagpapakita ng mga pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama ay tiyak na walang kahihiyan. Kapag pinagkakatiwalaan ng pamumuno at pananagutan sa isang iglesia, pinangungunahan ang mga hinirang na tao ng Diyos para gampanan ang mga tungkulin nila, at gumawa ng partikular na gawain, tinatrato nila ang mga bagay na ito bilang sarili nilang pribadong ari-arian. Walang sinuman ang pwedeng makialam; sila ang may huling desisyon sa lahat. Itinuturing ng mga anticristo ang mga hinirang na tao ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang mga pasilidad at ari-arian ng iglesia bilang sarili nilang pribadong ari-arian. Problematiko ito mismo: Nilalayon nilang kamkamin ang mga ari-arian ng sambahayan ng Diyos at dominahin ang mga hinirang na tao ng Diyos. Bukod pa rito, itinuturing nila ang mga bagay na ito bilang kapital para makipagkompitensiya sa iba, hindi magdadalawang-isip na ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at pagpapahamak sa mga hinirang na tao ng Diyos. Sa palagay ninyo, may taglay bang konsensiya at katwiran ang mga anticristo? May puwang ba sila para sa Diyos sa puso nila? Mayroon ba silang pusong may takot at pagpapasakop sa Diyos? Wala kahit kaunti. Samakatwid, hindi pagmamalabis ang pagtawag sa mga anticristo bilang mga alipores ni Satanas o mga demonyo sa lupa. Walang Diyos o iglesia sa puso ng isang anticristo, at lalo nang wala siyang pagpapahalaga sa mga taong hinirang ng Diyos. Sabihin mo sa Akin, kung saan naroroon ang mga kapatid, at kung saan gumagawa ang Diyos, paanong hindi matatawag na sambahayan ng Diyos ang gayong mga lugar? Sa anong paraan hindi mga iglesia ang mga ito? Ngunit iniisip lang ng mga anticristo ang mga bagay na sakop ng sarili nilang impluwensiya. Wala silang pakialam sa ibang mga lugar o hindi nila inaalala ang mga ito. Kahit may matuklasan silang problema, hindi nila ito binibigyang pansin. Ang mas masahol pa ay na kapag nagkaproblema sa isang partikular na lugar at nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, hindi nila iyon pinapansin. Kapag tinanong kung bakit hindi nila iyon pinapansin, nagbibigay sila ng mga kakatwang maling pahayag, sinasabing, “Huwag kang makialam sa hindi mo problema.” Ang kanilang mga salita ay parang makatwiran, parang nauunawaan nila ang mga hangganan sa ginagawa nila, at parang wala silang panlabas na mga problema, pero ano ang diwa nito? Ito ay pagpapamalas ng kanilang pagkamakasarili at ubod ng sama. Ginagawa nila ang mga bagay para lang sa sarili nila, para lang sa sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan. Hindi nila talaga ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ito ay isa pang karaniwang karakter ng mga anticristo—sila ay makasarili at ubod ng sama.

Malinaw ang diwa ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo; kitang-kita ang ganitong klase ng mga pagpapamalas nila. Ipinagkakatiwala sa kanila ng iglesia ang isang parte ng gawain, at kung sumisikat at nakikinabang sila rito, at naipapakita nila ang kanilang mukha rito, interesadong-interesado sila, at handang tanggapin iyon. Kung ito ay gawaing walang pasasalamat o kinasasangkutan ng pagpapasama ng loob ng mga tao, o hindi sila nito tutulutang maipakita ang kanilang mukha o wala itong pakinabang sa kanilang kasikatan, pakinabang, o katayuan, wala silang interes, at hindi nila iyon tatanggapin, na para bang walang kinalaman sa kanila ang gawaing ito, at hindi ito ang gawaing dapat nilang gawin. Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap, walang pag-asa na hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, lalo na ang magsikap na tingnan ang buong sitwasyon at hindi sila magbibigay ng anumang konsiderasyon sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang mga interes ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes, at kung hinding-hindi silang handang ilipat ang mga taong iyon? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga sentralisadong pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa mga layunin ng Diyos? Alisto ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang buong gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at ubod ng sama? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga dapat kontrolin ng sinumang indibiduwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang desisyon. Ang pagsunod ng mga hinirang na tao ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman ang mga pagsasaayos na ito, maliban kung gumagawa ang isang indibiduwal na lider o manggagawa ng isang arbitraryong paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo, kung magkagayon ay maaaring suwayin ang pagsasaayos na ito. Kung ang isang normal na paglilipat ay isinasagawa nang ayon sa mga prinsipyo, dapat na sumunod ang lahat ng hinirang na tao ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang “iyo” at “akin.” Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan. Magkagayunman, ano ang tugon ng mga anticristo kapag naharap sa ganitong uri ng sitwasyon? Humahanap sila ng iba’t ibang idadahilan at ikakatwiran para mapanatili ang mga naaangkop na taong ito sa kanilang tabi, at dalawang ordinaryong tao lang ang iniaalok nila, at pagkatapos ay nakakahanap sila ng dahilan para mapilitan ka, sa pagsasabing napakaabala ng gawain, o kaya naman ay kulang sila sa tauhan, mahirap makahanap ng mga tao, at kung malipat ang dalawang ito, maaapektuhan ang trabaho. At tatanungin ka nila kung ano ang dapat nilang gawin, at ipaparamdam nila sa iyo na may pagkakautang ka sa kanila kung maglilipat ka ng mga tao. Hindi ba sa ganitong paraan kumikilos ang mga diyablo? Ganito kung gumawa ng mga bagay-bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga taong laging sinisikap na protektahan ang sarili nilang mga interes sa iglesia—mabubuting tao ba sila? Mga tao ba sila na kumikilos ayon sa prinsipyo? Hindi talaga. Sila ay mga walang pananampalataya at hindi mananampalataya. At hindi ba’t makasarili at ubod ng sama ito? Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa ilalim ng isang anticristo para gumawa ng isa pang tungkulin, masidhing nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais niyang tigilan na iyon, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng grupo. Anong problema ito? Bakit ayaw niyang sundin ang mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang “kanang-kamay” ay makakaapekto sa mga resulta at pag-usad ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiya ang mga resulta—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya nga ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nagrereklamo siya nang husto at gusto pa nga niyang isantabi ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Ang mga hinirang na tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibiduwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsensiya: “Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay kaanib ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.” Ganyan ang kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga naniniwala sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsensiya at katwiran ang mga huwad na lider at anticristo. Lahat sila ay sobrang makasarili, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang tumanggi, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakakulang sa pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinakaamo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at makahalata sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagkamakasarili at ubod ng kasamaan sa karakter ng mga anticristo. Wala silang konsiderasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo.

May isa pang sitwasyon. Pera man o mga aytem na inihandog ng mga kapatid, sa normal na kalagayan, anuman ang halaga, dapat ibigay ang lahat ng ito sa sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, nagkakamali ang ilang anticristo sa paniniwalang “Pag-aari ng aming iglesia ang perang inihandog ng mga kapatid sa iglesia namin, at ang iglesia namin ang mag-iingat at gagamit nito. Walang sinuman ang may karapatang makialam sa kung paano namin ito gagamitin o ipapamahagi, at tiyak na wala silang kuwalipikasyong kunin ito.” Kaya, kung tatanungin mo sila kung magkano ang natanggap na mga handog ng iglesia, matatakot sila na baka kunin mo ito, at hindi nila sasabihin ang aktuwal na halaga. Puwedeng magtaka ang ilang tao, “Ano ang ibig sabihin na natatakot silang kunin ito? Gusto ba nila itong gastusin para sa sarili nila?” Hindi naman. Iniisip nila, “Kailangan din ng iglesia namin ng pera. Kung kukunin ito, paano namin isasagawa ang aming gawain?” May mga prinsipyo ang Itaas para sa mga usaping ito, kaya bakit hindi mo sundin ang mga prinsipyo kapag pinapangasiwaan mo ang mga ito? Nagtatabi sila ng sapat na magagamit para sa gawain ninyo, at ang natitira ay isinasaayos nang pantay-pantay ng sambahayan ng Diyos. Hindi pribadong pag-aari ng pamunuan ng iglesia ang mga yamang ito; pag-aari ito ng sambahayan ng Diyos. Gayumpaman, para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais at para sa kapakanan ng sarili nilang gawain at para matiyak ang mga mapagkukunan sa loob ng saklaw ng impluwensiya nila, itinatago ng ilang anticristo ang mga bagay na ito at inaangkin nila ang mga ito, at hindi nila pinapayagang gamitin ang mga ito ng sinuman. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagiging makasarili at ubod ng sama? Isa rin itong tipikal at partikular na pagpapamalas ng karakter ng mga anticristo.

Masama at malupit, pangit, buktot, mababa, at ubod ng sama ang mga anticristong ito. Ang pag-usapan pa lang sila ay nakakadiri at nakakagalit na. Puwede silang magmukhang tao sa panlabas at magsalita nang kaaya-aya, na parang nauunawaan nila ang lahat ng uri ng doktrina at bihasa sila sa mga ito, pero sa sandaling kumilos na sila, nalalantad ang pangit at masama nilang pagkatao, nakakainsulto sa paningin. Dahil nagtataglay ang bawat anticristo ng mga pangit at masamang katangiang ito sa karakter nila, nagagawa nilang gumawa ng ganoon kasasamang gawa. Kaya tinatawag silang mga anticristo. May katuturan ba ang lohikang ito? (Mayroon.) Sa madaling salita, dahil sa presensiya ng mga malupit at buktot na disposisyon sa karakter nila kaya nagagawa nilang gawin ang masasamang gawa ng mga anticristo, kaya nakaklasipika sila bilang gayon. Ganoon nga iyon. Kung anticristo ang isang tao, magiging tumpak bang ilarawan ang pagkatao nila bilang mabait, matuwid, matapat, at sinsero? Tiyak na hindi. Kung palagiang nagsisinungaling ang isang tao, may katangian siya ng isang anticristo. Kung mapaminsala at malupit ang isang tao, taglay rin niya ang katangian ng isang anticristo. Kung ang isang tao ay makasarili, ubod ng sama, inuuna lang ang pansariling kapakinabangan, walang pakundangang gumagawa ng masasamang bagay, at walang kahihiyan, isa siyang masamang tao. Kung magkakaroon ng kapangyarihan ang ganoon kasamang tao, nagiging anticristo siya.

E. Kumakapit sa Makapangyarihan at Nang-aapi sa Mahihina

Ang pagkatao ng mga anticristo ay mayroon ding isang bagay na parehong kasuklam-suklam at kamuhi-muhi—iyon ay, kumakapit sila sa makapangyarihan at nang-aapi sa mahihina. Kung may ilang kilalang tao, may kapangyarihan o may katayuan sa iglesia o sa mundo, kahit sino pa sila, may walang hanggang inggit at paghanga ang mga anticristo sa kanilang puso para sa mga ito, nagpapalakas pa nga sila sa mga ito. Kapag nananalig sila sa Kristiyanismo, sinasabi nilang mga mananampalataya ang ilang pinuno sa politika, at kapag tinanggap nila ang yugtong ito ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, iginigiit nila na tinanggap na rin ito ng ilang pastor mula sa mga kilalang denominasyon. Anuman ang gawin nila, palagi nila itong binibigyan ng kahanga-hangang titulo, palagi nilang iginagalang at ginagaya ang mga kilalang tao, at nasisiyahan lang sila kapag nakakapit na sila sa isang kilalang tao o sa isang tao na may katayuan. Pagdating sa mga tao na may katayuan, mabuti man sila o masama, walang tigil na nagpapalakas at nambobola ang mga anticristo at sumisipsip sa mga ito. Handa pa silang maghain ng tsaa at maglinis ng arinola para sa mga ito. Sa kabilang banda, kapag nakikitungo sa mga tao na walang katayuan, kahit gaano pa katuwid, katapat, at kabait ang mga tao na ito, inaapi at tinatapak-tapakan sila ng mga anticristo sa tuwing may pagkakataon. Madalas nilang ipinagmamalaki kung paanong si ganito ay isang business executive sa lipunan, kung gaano kayaman ang tatay ni ganyan, kung gaano karami ang pera ni ganoon, at kung gaano kalaki ang kompanya ng pamilya ni ganito, binibigyang-diin ang katanyagan nito sa lipunan. Pagdating sa mga huwad na lider at sa mga anticristo sa iglesia, kahit ano pang kasamaan ang gawin nila, hindi sila kailanman inuulat, inilalantad, o kinikilatis ng mga anticristo. Sa halip, mahigpit nilang sinusundan ang mga ito nang malapitan, ginagawa ang anumang sabihin sa kanila. Nagiging tagasunod, tauhan, at alipin sila ng kahit na anong antas ng lider na sinusunod nila. Kapag nakikitungo sa mga may kapangyarihan, impluwensiya, kayamanan, at katayuan, nagmumukha silang labis na masunurin, mababang-loob, at walang kakayahan. Labis silang masunurin at mapagpasakop, tumatango at sumusunod sa lahat ng sinasabi ng mga taong iyon. Gayumpaman, kapag nakikitungo sa mga ordinaryong tao na walang katayuan, nag-iiba ang ugali nila, nagsasalita sila nang nakakatakot para makapangibabaw sa iba, gustong maging higit sa lahat, na para bang walang makakatalo sa kanila, na mas malakas at mas mataas sila kaysa sa sinuman, kaya mahirap makilatis ang anumang problema, kapintasan, o kahinaan sa kanila. Anong klaseng karakter ito? May kaugnayan ba ito sa pagiging mapaminsala, malupit, at walang kahihiyan? (Mayroon.) Ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina—hindi ba’t ito ang pangit at masamang bahagi ng pagkatao ng mga anticristo? Sa palagay ba ninyo, matuwid ba ang mga tao na may gayong pagkatao? (Hindi.) Totoo ba ang mga sinasabi nila sa mga may katayuan at mga makapangyarihan? Totoo ba ang mga sinasabi nila sa mahihina? (Walang totoo sa mga ito.) Samakatwid, may kaugnayan ang aytem na ito sa palagiang pagsisinungaling. Batay sa aytem na ito, lubhang karima-rimarim ang karakter ng mga anticristo, at mayroon silang dalawang mukhang ganap na magkaiba. May palayaw ang ganitong uri ng tao—“hunyango.” Hindi nila kailanman tinatrato ang mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo, pagkatao, o kung hinahangad ba ng mga taong iyon ang katotohanan sa loob ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, tinatrato nila ang mga tao nang magkaiba batay lang sa katayuan at impluwensiya ng mga ito. Kapag nakikitungo sa mga tao na may katayuan at mga abilidad, ginagawa nila ang lahat para magpalakas, mambola, at makalapit sa mga ito. Kahit bugbugin o sigawan pa sila ng mga taong ito, handa nila itong tiisin nang walang anumang reklamo. Patuloy pa nga nilang inaamin ang kawalan nila ng silbi at nagpapakaalipin sila, kahit na ang kanilang tunay na iniisip sa loob-loob nila ay ganap na iba sa panlabas nilang kilos. Kung magsalita ang isang tao na may katayuan at katanyagan, kahit na panlilinlang at maling pananaw ito ni Satanas na ganap na walang kinalaman sa katotohanan, pakikinggan nila ito, tatango sila sa pagsang-ayon, at tatanggapin nila ito nang paimbabaw. Sa kabilang banda, kung walang kakayahan o katayuan ang isang tao, gaano man katama ang mga salita nito, hindi ito papansinin ng mga anticristo at mamaliitin nila ito. Kahit na umaayon sa mga prinsipyo at katotohanan ang kanyang sinasabi, hindi nila ito pakikinggan, sa halip ay pabubulaanan, kukutyain, at pagtatawanan nila ito. Isa pa itong katangian na makikita sa karakter ng mga anticristo. Batay sa kanilang mga paraan at prinsipyo ng pag-asal at pakikitungo sa mundo, maaaring tiyak na maklasipika ang mga indibidwal na ito bilang walang dudang hindi mananampalataya. Mababa, marumi, at kasuklam-suklam ang mga pagpapamalas ng karakter nila.

Ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina ay isang tipikal na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan para sa mga tao na tulad ng mga anticristo. Nakikipag-usap sila nang masigla at nakikipaglapit sa mga walang pananampalataya, pero kapag tumitingin sila sa mga kapatid, wala silang masabi at wala silang mapag-usapan. Mga anticristo ang mga ito. Kapag pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa pananalig sa Diyos, paggawa ng mga tungkulin, buhay pagpasok, o mga pagbabago ng disposisyon, wala silang masabi at wala silang interes. Gayumpaman, kapag pinag-uusapan ang mga walang pananampalataya, lalo na ang mga mayaman at may impluwensiya, mga politiko, mga elitista sa lipunan, mga kilalang tao sa musika at pelikula, mga uso sa lipunan, at mga usaping may kinalaman sa pagkain at libangan, nagiging napakadaldal nila at hindi sila mapigilan. Parang hinahangad nila ang gayong buhay at katayuan sa lipunan. Kahit na nananalig sa Diyos ang mga gayong tao, dahil lang ito sa sarili nilang mga suliranin at mga nakatagong layunin at mithiin. Nananalig sila sa Diyos para lang sa mga pagpapala, at kahit na pagkatapos nilang manalig sa Diyos, hindi pa rin nila mabitiwan ang mga gayong bagay. Kaya naman, kapag pinag-uusapan ang mga bagay na may kinalaman sa pagkain at libangan, sumisigla sila. Kapag nakikipag-usap sa mga kapatid, nag-iiba ang sitwasyon. Mula sa kaibuturan ng kanilang puso at kaluluwa, minamaliit nila ang mga nananampalataya sa Diyos, ang mga naghahangad sa katotohanan, at ang mga matapat at matuwid. Dinidiskrimina at minamaliit nila ang mga gayong indibidwal. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga lider sa iglesia, iniisip nila, “Hindi sila mukhang mga lider; hindi talaga sila katulad ng mga opisyal. Kompara sa mga makamundong opisyal, lubos na mas mababa sila, walang tindig at estilo!” Kung malalaman nila na walang mataas na antas ng edukasyon ang ilang lider, dinidiskrimina nila ang mga ito sa kanilang puso. Ano sa palagay ninyo ang naiisip nila kapag nakikita nila Ako? Sa isang sulyap, iniisip nila, “Si cristo, ang nagkatawang-taong diyos, ay isang walang kwentang tao na walang mataas na edukasyon, na hindi naman kataasan, na ang hitsura ay hindi kaakit-akit, na walang tindig, at ang pananamit ay pangkaraniwan. Sinasabi ng lahat na nasa kanya ang katotohanan; ito lang ang bagay na dapat bigyang-pansin, at wala nang iba pang kahanga-hanga sa kanya. Tingnan mo ang suot ng mga makapangyarihang tao sa lipunan! Anong mga tatak ng suot mong damit at sapatos? Ano ang estilo ng buhok mo? Nagpagupit ka ba sa isang kilalang salon? Magkano ang isang gupit?” Sinasabi Ko, “Wala akong ginagastos kahit isang sentimos sa pagpapagupit; Ako mismo ang naggugupit ng buhok Ko sa bahay.” Sinasabi nila, “Nagpapa-beauty treatment ka ba? Nagho-hotel ka ba? Anong star rating? Nakasakay ka na ba sa isang luxury cruise?” Sinasabi Ko, “Hindi ko alam ang mga bagay na ito.” Sinasabi nila, “Kung gayon, talagang ignorante ka. Sa marangal na pagkakakilanlan at katayuan mo, bakit wala kang kaalaman o pag-unawa sa mga marangya at de-kalidad na bagay sa mundo? Sa kalagayan mo, dapat mo itong maranasan nang kaunti. Sa pinakamababa, kailangan mong pumunta sa isang de-kalidad na salon, sa isang five-star hotel, at sumakay sa isang luxury cruise. Sa pinakamababa, dapat kang umupo sa first class kapag nasa eroplano ka.” Kapag nakikita nila Ako, mababa ang tingin nila sa Akin, pero kailangan nilang kilalanin ang isang bagay, at iyon ay, “Hindi ko pa narinig noon ang anuman sa mga bagay na sinabi mo sa mga pagtitipon: dapat kong pakinggan ang sinasabi mo.” Pero pagkatapos ng mga pagtitipon, hindi na nila Ako kinikilala. Katulad ng isang lobo: Pagkatapos mo itong pakainin, tumatalikod ito at kakagatin ka. Iyon ang kalikasan ng lobo. Kapag nakikita ng mga anticristo ang mga ordinaryong kapatid na walang pera o impluwensiya, na simpleng nagmamahal sa katotohanan at kayang maghangad para dito, at kusang-loob na ginagawa ang mga tungkulin ng mga ito, hinahamak at ibinubukod nila ang mga ito. Kapag tumitingin sila kay Cristo at nakikita nila ang isang karaniwang tao, isang tao na sa bawat aspekto, sa hitsura, anyo, at tindig, ay isang simple at karaniwang tao, kaya ba nilang agad na baguhin ang kanilang panloob na disposisyon at pananaw? (Hindi.) Ang saloobin nila sa mga bagay ay batay sa kanilang karakter. Dahil wala silang normal na pagkatao, ang saloobin nila kay Cristo ay walang alinlangang katulad ng kanilang saloobin sa isang karaniwang tao. Walang kahit kaunting respeto; itinatakda ito ng kanilang kalikasan at karakter. Ang pagpapamalas ng aspektong ito ng pagkatao ng isang anticristo ay kasingkasuklam-suklam at kasingkamuhi-muhi ng iba pang aspekto.

Ang iba’t ibang katangiang pinagbahaginan natin tungkol sa katangian ng isang anticristo ay puwedeng isa-isang magbunyag ng kabutihan o kasamaan, kataasan o kababaan ng karakter nila. Mataas ba o mababa ang karakter ng isang tao na palagiang nagsisinungaling? (Mababa.) Mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang makasarili at ubod ng samang tao? (Masama.) Mabuti ba o masama ang pagkatao ng isang tao na walang kahihiyan? (Masama.) Mataas ba o mababa ang karakter ng isang mapaminsala at malupit na tao? (Mababa.) Kumusta ang karakter ng isang tao na marunong lang kumapit sa makapangyarihan at mang-api sa mahihina, na sumusunod lang sa mga gayong prinsipyo? (Kasuklam-suklam.) Lubhang kasuklam-suklam ang mga gayong indibidwal, hindi lang walang normal na pagkatao kundi maaaring sabihing hindi sila tao—basura sila, mga diyablo sila. Isang diyablo ang sinumang wala ni kaunting konsensiya at katwiran, hindi isang tao.

F. Mas Mapaghangad sa mga Materyal na Bagay Kaysa sa Normal na mga Tao

May isa pang pagpapamalas sa pagkatao ng mga anticristo: Mas mapaghangad sila sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao. Ibig sabihin, napakalaki ng kanilang pagnanais at pangangailangan sa mga materyal na bagay—wala itong hangganan. Puno sila ng mga hangarin para sa isang marangyang pamumuhay, at walang katapusan ang kasakiman nila. Maaaring sabihin ng ilan: “Walang ganitong pagpapamalas ang karamihan sa mga anticristo.” Ang hindi pagtataglay nito ay hindi nangangahulugang wala ito sa pagkatao nila. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga gayong tao, ano ba ang mga prinsipyo nila sa kanilang pagkain, pananamit, at hitsura? Sa sandaling magkaroon sila ng katayuan, dapat na makuha nila ang kanilang gusto, naghahanap sila ng mga oportunidad, mayroon silang mga partikular na kondisyon, at nag-iiba ang pamumuhay nila. Nagiging maselan sila sa kinakain nila, binibigyang-diin ang karangyaan at luho. Ipinipilit nilang magsuot at gumamit ng mga aytem na may kilalang tatak, at ang mga tahanang tinitirhan nila at ang mga sasakyang minamaneho nila ay kailangang mataas ang kalidad at marangya. Kahit na sa pagbili ng isang praktikal na sasakyan, kailangang may mga mamahalin itong accessory. Maaaring magtanong ang ilan: “Kung wala silang pera, bakit labis silang nagpapahalaga sa mga bagay na ito?” Kahit wala silang pera, hindi ibig sabihin na hindi nila hinahangad ang mga gayong bagay o na wala ang pagnanais na ito sa pagkatao nila. Kaya naman, kapag nakakuha ng kontrol ang mga anticristo sa mga handog sa sambahayan ng Diyos, winawaldas nila ito nang walang pakundangan. Gusto nilang bilhin at lasapin ang lahat ng bagay, hanggang sa puntong nawawalan na sila ng kahihiyan at halos hindi na mapigilan. Kailangan nilang uminom ng de-kalidad na tsaa na inihahain sa mga pinagintong tasa, ang kanilang mga pagkain ay dapat mararangyang piging, ipinipilit nilang uminom ng espesyal na klase ng ginseng, at gumagamit lang sila ng mga kompyuter at teleponong mula sa mga kilalang tatak na laging ang mga pinakabagong modelo. Nagkakahalaga ng libo-libong yuan ang mga salamin nila, gumagastos sila ng daan-daan sa pagpapa-estilo ng buhok, at nagbabayad sila ng libo o higit pa para sa mga sesyon ng masahe at sauna. Sa madaling salita, iginigiit nila na ang lahat ay maging pinakamataas na kalidad at kilalang tatak, nais nilang tamasahin anuman ang tinatamasa ng mga kilalang tao at makapangyarihang tao. Kapag nagkaroon na ng katayuan ang mga anticristo, nahahalata na ang lahat ng pangit na bagay na ito. Sa mga pagtitipon, kung tatlo hanggang limang tao lang ang nakikinig sa pangangaral nila, hindi sila nasasapatan dito at iginigiit nila na magkaroon ng tatlo hanggang limandaang tao. Kapag sinasabi ng iba na may mga hindi kanais-nais na kalagayan sa labas, kaya ayos na rin ang pagtitipon ng tatlo hanggang limang tao, tumututol sila: “Hindi ito puwede—bakit kakaunti ang nakikinig sa sermon ko? Hindi sulit ang oras ko rito. Kailangan nating bumili ng malaking gusali ng iglesia na kayang maglaman ng sampung libong tao para maging mas marangal ang sermon.” Hindi ba’t hinahangad nila ang kamatayan? Ito ang uri ng bagay na ginagawa ng mga anticristo. Hindi ba’t nagiging wala rin silang kahihiyan? Mayroon silang napakatinding di-mapigilang pagnanais at interes sa marangyang pamumuhay at mga materyal na bagay, na isa pang katangian sa karakter ng mga anticristo. Sa sandaling may magbanggit ng mamahaling pagkain, mararangyang sasakyan, mga damit na may kilalang tatak, mga de-kalidad at mamahaling aytem, nagniningning ang mga mata nila sa kasakiman, at lumilitaw ang pagnanais nila. Paano lumilitaw ang pagnanais na ito? Hindi maikakaila na isa itong pagbubunyag ng malademonyo nilang kalikasan. Maaaring kapos sa pera ang ilang anticristo, at kapag nakakakita sila ng isang tao na may suot na mamahaling alahas o isang singsing na diyamante na may dalawa o tatlong carat, nagniningning ang mga mata nila, at iniisip, “Kung hindi ako nananalig sa diyos, makakapagsuot ako ng limang carat na singsing.” Naiisip nila na wala man lang silang isang carat na singsing, at sumasama ang loob nila at nararamdaman nilang hindi sulit ang manalig sa Diyos. Pero, nang mas mapagbulay-bulayan pa nila ito, naiisip nila, “Makakatanggap ako ng malalaking pagpapala sa hinaharap dahil sa pananalig ko sa diyos. Maaari akong magkaroon ng limandaang carat na diyamante at isuot ito sa ulo ko.” Hindi ba’t mayroon silang mga pagnanais? Kapag nakakakita sila ng mayayamang indibidwal sa TV na nakasuot ng mga damit na may kilalang tatak at naglalayag sa mararangyang cruise ship sa dagat, nararamdaman nila na ito ay napakasaya, romantiko, marangal, at nakakainggit. Naglalaway sila rito, sinasabi nila, “Kailan kaya ako magiging ganoong klaseng tao, isang higante sa mga tao? Kailan ko kaya matatamasa ang gayong buhay?” Pinapanood nila ito nang paulit-ulit hanggang sa maisip nila na tunay na nakakabagot ang pananampalataya sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay muli silang nag-iisip, iniisip nila “Hindi ko dapat isipin ito. Bakit ba ako nananampalataya sa diyos? ‘Kailangang tiisin ng isang tao ang pinakamatinding hirap para maging pinakadakila sa mga tao.’ Sa hinaharap, magiging mas maganda ang buhay ko kaysa sa kanila. Sumasakay sila sa mga luxury cruise, ngunit sasakay ako sa isang marangyang eroplano o sa isang marangyang flying saucer—pupunta ako sa buwan!” May kaunti man lang bang katuturan ang mga kaisipang ito? Naaayon ba ang mga ito sa normal na pagkatao? (Hindi.) Isa pa itong elemento sa pagkatao ng mga anticristo—isang labis na hindi mapigilang pagnanais para sa mga materyal na bagay at sa marangyang pamumuhay. Kapag nakuha na nila ang mga ito, nagiging walang katapusan ang kasakiman nila, nang may gutom na gutom na mga mata at kalikasan, na gustong mag-angkin ng mga bagay na ito magpakailanman. Sa pagkatao ng mga anticristo, hindi lang ito tungkol sa pagkainggit sa mga makapangyarihan; ninanais din nila ang mga materyal na bagay at mataas na kalidad ng pamumuhay. Ang normal na pagkatao ay may makatwirang saklaw ng pangangailangan para sa buhay at mga materyal na bagay: Mayroon silang mga pang-araw-araw na pangangailangan, mga pangangailangan ng trabaho at kapaligiran ng pamumuhay, pati na rin ang kanilang mga pisikal na pangangailangan. Sapat nang natutugunan ang mga pangangailangang ito, at itinuturing na medyo normal ang kontrolin ang mga ito base sa kapasidad at kalagayang pang-ekonomiya ng isang tao. Gayumpaman, hindi normal at walang patid ang pangangailangan at pagpapakasasa ng mga anticristo sa mga materyal na bagay. Partikular na hinahangad ng ilang anticristo ang mataas na kalidad ng pamumuhay—kapag nakatira sila sa isang pamilyang nagpapatuloy sa bahay kung saan puro simple ang mga pagkain, medyo naiirita sila. Bukod pa rito, kung ang mga tao sa pamilyang ito ay naghahangad sa katotohanan, matapat, at hindi sila binobola, hindi sumisipsip sa kanila, o sinasabi ang gusto nilang marinig, lalo silang nasusuklam, iniisip nila, “Saan kaya ako makakakain ng masarap na pagkain at makakatira sa isang malaking bahay? Sino kaya ang may magandang kondisyon ng pamumuhay? Sino ang may sasakyan at maipagmamaneho ako kung saan-saan at magsusundo sa akin para hindi na ako maglalakad?” Palagi nilang iniisip ang mga gayong bagay. Mayroon bang mga gayong tao sa paligid ninyo? Ganito ba kayong uri ng tao? (Nasa pagkatao rin namin ang mga bagay na ito.) Kung gayon, kaya ba ninyong kontrolin ang mga ito? Ang pagpapakasasa sa kaginhawaan ay hindi katulad ng walang katapusang kasakiman; dapat kinokontrol ito nang hindi ito nakakaapekto sa pagganap ng tungkulin. Ito ang pagkatao ng mga normal na tiwaling tao. Gayumpaman, ang mga anticristo ay hindi nagkokontrol; wala silang kabusugan at palagian silang mapang-angkin. Tungkol sa pagpapamalas na ito, mayroon pa ba kayong gustong idagdag? (O Diyos, nakakita na ako ng isang anticristo noon. Noong panahong iyon, binilhan siya ng isang sister ng higit sa sampung down jacket, lahat ay mula sa kilalang tatak, at paisa-isa itong isinuot ng anticristong ito, nagpapalit ng bagong jacket sa tuwing lumalabas siya. Nang maglaon, naging lider siya, at ginamit niya ang mga handog sa Diyos para bumili ng isang sedan. May isang tao pang bumili ng magandang bahay para sa kanya upang doon siya patuluyin, at kapag namimili siya, ang sister na ito na nagpapatuloy sa kanya sa bahay ay palaging nakasunod sa kanya. Kung magustuhan niya ang isang damit, ituturo lang niya ito, at magmamadali ang tagapagpatuloy na sister na bilhin ito para sa kanya. Kapag umuuwi siya sa bahay, tatawag siya sa host family nang maaga at sasabihing gusto niyang kumain ng mga dumpling. Kailangang eksakto sa oras ang pagpapakulo ng mga dumpling—hindi masyadong maaga, o lalamig ang mga ito, at hindi masyadong huli, o magugutom siya habang naghihintay pagdating niya sa bahay. Para siyang isang emperatris; napakamarangya ng pamumuhay niya. Kalaunan, pinatalsik ang anticristong ito.) Tingnan ninyo kung gaano kamangmang at kahangal ang mga taong ito, bumili sila ng bahay at sedan para sa isang anticristo! Naniniwala ang mga anticristo na dumarating ang mga tao sa mundong ito para tamasahin ang mga bagay, na kung hindi magpapakasasa sa mga bagay na ito, walang saysay ang buhay nila. Ito ang kanilang prinsipyo at teorya. Tama ba ang teoryang ito? Pawang pananaw lang ito ng mga walang pananampalataya, mga hayop, at mga patay na tao na walang espiritu. Ang mga tao na nananampalataya sa Diyos pero may mga gayong pananaw pa rin ay ganap na mga hindi mananampalataya at walang pananampalataya. Kapag nagkakaroon ng katayuan ang mga gayong tao, nagiging ganap silang mga anticristo, at kung walang katayuan, masasamang tao sila.

Ang palagiang pagsisinungaling, pagiging mapaminsala at malupit, kawalan ng dangal at kahihiyan, pagiging makasarili at ubod ng sama, pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina, at pagiging mas mapaghangad sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao—tipikal ang mga katangiang ito ng karakter ng mga anticristo, labis na kumakatawan, at halatang-halata. Bagamat maaaring makita ang ilan sa mga pagpapamalas na ito sa mga ordinaryong tao sa ilang antas, ang mga pagpapamalas nila ay simpleng tiwaling disposisyon o mga pagpapamalas ng hindi normal na pagkatao o ng kawalan ng pagkatao na lumilitaw mula sa katiwalian ni Satanas. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ang mga taong ito ay nagkakaroon ng kamalayan ng konsensiya at abilidad na bitiwan at maghimagsik laban sa mga bagay na ito, at magsisi. Hindi gumaganap ng pangunahing papel ang mga katangiang ito sa kanila, at hindi maaapektuhan ng mga ito ang paghahangad nila sa katotohanan o ang pagganap nila ng mga tungkulin. Tanging ang mga anticristo ang tumatangging tanggapin ang katotohanan gaano man karaming sermon ang marinig nila. Hindi magbabago ang mga pag-uugali at katangian na taglay ng kanilang pagkatao, at iyon ang dahilan kung bakit kinokondena sa sambahayan ng Diyos ang mga gayong tao at hindi kailanman maliligtas. Bakit hindi sila maliligtas? Hindi maliligtas ang mga taong may gayong karakter dahil tumatanggi silang tanggapin ang katotohanan, at dahil napopoot sila sa katotohanan, sa Diyos, at sa lahat ng positibong bagay. Wala sila ng mga kondisyon at ng pagkatao para sa kaligtasan, at dahil dito, nakatadhana ang mga taong ito na matiwalag at maipatapon sa impiyerno.

Disyembre 12, 2020

Sinundan: Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi)

Sumunod: Ikalimang Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikalawang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito