Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Ikalawang Bahagi)

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa ikalabinlimang aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Hindi sila naniniwala na mayroong Diyos, at itinatanggi nila ang diwa ni Cristo. Sa ating huling pagbabahaginan, hinati natin ang paksang ito sa dalawang bahagi. Ang unang bahagi ay ang iba’t ibang pagpapamalas ng hindi paniniwala ng mga anticristo na mayroong Diyos, na hinati pa natin sa dalawang aytem: una, ang pagtanggi ng mga anticristo sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos; ikalawa, ang pagtanggi ng mga anticristo sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan kung paano hindi kinikilala ng mga anticristo ang diwa ng Diyos o ang Kanyang disposisyon, at kung paano hindi kinikilala ng mga anticristo na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ang katotohanan at kumakatawan sa Kanyang pagkakakilanlan, at kung paano tiyak na hindi tinatanggap ng mga anticristo ang kahulugan at katotohanan sa likod ng lahat ng ginagawa ng Diyos. Sinasamba ng mga anticristo si Satanas, itinuturing na Diyos si Satanas, at ginagamit ang lahat ng pahayag at pananaw ni Satanas bilang batayan at pamantayan sa pagsukat sa pagkakakilanlan, diwa, at lahat ng ginagawa ng Diyos. Kaya, sa puso nila, paulit-ulit nilang itinataas at sinasamba ang ginagawa ni Satanas, tinitingala at pinupuri nila ang mga kilos ni Satanas, at ginagamit nila si Satanas para palitan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Ang mas masahol pa, sa batayan ng pagkilala nila sa lahat ng ginagawa ni Satanas, kinukwestiyon nila ang mga salita at gawain ng Diyos sa bawat pagkakataon at bumubuo sila ng mga kuru-kuro at paghatol tungkol sa mga ito, at kinokondena nila ang Kanyang mga salita at gawain sa huli. Kaya, sa proseso ng pagsunod sa Diyos, hindi tinatanggap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, kanilang katotohanan, o kanilang direksyon at layon sa buhay. Sa halip, sumasalungat sila sa Diyos sa bawat pagkakataon, at sinusukat nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos gamit ang kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, ang lohika at pag-iisip ni Satanas, at disposisyon at pamamaraan ni Satanas. Sa proseso ng pagsunod sa Diyos, patuloy nilang pinagdududahan, pinaghihinalaan, at binabantayan ang Diyos, palagi nila Siyang hinuhusgahan, at kinamumuhian, kinokondena, at itinatanggi sa puso nila. Ang lahat ng bagay na ginagawa ng mga anticristo at ang iba’t iba nilang pagpapamalas ay talagang nagpapatunay na hindi sila mga tagasunod ng Diyos, mga tunay na mananampalataya, o mga nagmamahal sa katotohanan at mga positibong bagay, kundi mga kaaway sila ng katotohanan at ng Diyos. Kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, sa iglesia, hindi sila narito para tanggapin ang kaligtasan ng Diyos o para lumapit sa Diyos at tanggapin ang Kanyang mga salita bilang buhay. Kaya, ano ang gagawin nila sa sambahayan ng Diyos? Kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga taong ito, una, kahit papaano, tinatangka nilang tugunan ang pagkamausisa nila; ikalawa, nais nilang sumunod sa kalakarang ito; at ikatlo, nais nila ng mga pagpapala. Ito ang kanilang mga layunin at hangarin, at iyon na iyon. Batay sa kalikasang diwa ng mga anticristo, hindi nila kailanman layunin na tanggapin ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, hindi nila kailanman planong ituring ang mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo ng pagsasagawa o bilang kanilang direksyon at layon sa buhay, at hindi nila kailanman planong baguhin o talikuran ang sarili nilang mga pananaw, o baguhin o talikuran ang sarili nilang mga kuru-kuro, at lumapit sa Diyos para lubusang magsisi, at magpatirapa sa Kanyang harapan at tanggapin Siya bilang Tagapagligtas nila. Wala silang mga gayong layunin. Patuloy lamang nilang ipinagmamalaki sa harap ng Diyos kung gaano sila kagaling, kung gaano sila kahusay, kung gaano sila kamakapangyarihan, kung gaano kahusay ang kanilang mga kaloob at talento, at kung paano sila puwedeng maging haligi at gulugod ng sambahayan ng Diyos, at iba pa, para sa gayon ay maabot nila ang layon nilang maging mataas ang pagtingin sa kanila sa sambahayan ng Diyos, makilala sila ng Diyos, at maitaas ang ranggo nila sa sambahayan ng Diyos, para matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Hindi lamang iyon, nais din nilang matugunan ang ambisyon nila, pagnanais, at plano na “tumatanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa darating na buhay.” Kailanman ba ay tinalikuran nila ang mga ambisyon, pagnanais, at planong ito? Kaya ba nilang personal na maunawaan, talikuran, at lutasin ang mga isyung ito? Hindi nila kailanman planong gawin ito. Kahit ano pa ang sinasabi o inilalantad ng mga salita ng Diyos, kahit na puwede nilang maiugnay ang Kanyang mga salita sa sarili nila, kahit na alam nila na ang kanilang mga plano, kaisipan, at layunin ay salungat sa mga salita ng Diyos at hindi naaayon sa mga ito, na taliwas ito sa mga katotohanang prinsipyo at mga pagpapamalas ng disposisyon ng mga anticristo, patuloy pa rin nilang pinanghahawakan ang sarili nilang mga pananaw, ambisyon, at pagnanais, at wala silang balak na baguhin ang sarili nila, baligtarin ang mga pananaw nila, talikuran ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, at lumapit sa Diyos para tanggapin ang Kanyang paglalantad, paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Ang mga taong ito ay hindi lang mapagmatigas ang puso, kundi mayabang at palalo rin—mayabang na wala na sila sa katwiran. Kasabay nito, labis silang tutol at namumuhi sa bawat salitang sinasabi ng Diyos sa kaibuturan ng puso nila; kinamumuhian nila ang paglalantad ng Diyos sa kalikasang diwa ng tiwaling sangkatauhan, at ang Kanyang paglalantad sa iba’t ibang tiwaling disposisyon. Kinamumuhian nila ang Diyos at ang katotohanan nang walang dahilan, kinamumuhian pa nga nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan at ang mga minamahal ng Diyos. Ganap na ipinapakita nito na buktot talaga ang disposisyon ng mga anticristo. Ang kanilang walang dahilang pagkamuhi, pagkapoot, pagsalungat, paghatol, at pagtanggi sa Diyos at sa katotohanan ay nagpapakita rin sa atin na talagang may malupit na disposisyon ang mga anticristo.

Ang iba’t ibang disposisyon ng mga anticristo ay mga pinakaperpektong halimbawa ng mga taglay na disposisyon ng tiwaling sangkatauhan, at ang tindi ng iba’t ibang disposisyon ng mga anticristo ay mas malala kaysa sa disposisyon ng sinumang karaniwang tiwaling indibidwal. Kahit gaano pa kalalim o kakongkreto ang paglalantad ng Diyos sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, itinatatwa at itinatanggi ito ng mga anticristo, at hindi nila ito tinatanggap bilang ang katotohanan o bilang ang gawain ng Diyos. Kinikilala at pinaniniwalaan lang nila na ang pagiging sapat na masama, walang awa, buktot, makasalanan, at malupit ang tanging paraan upang makapanindigan, mangibabaw, at manatiling matatag sa huli sa lipunang ito at sa gitna ng masasamang kalakaran. Ito ang lohika ng mga anticristo. Dahil dito, nagkikimkim ng poot at pagkamuhi ang mga anticristo sa matuwid at banal na diwa ng Diyos, sa katapatan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at sa iba pang mga positibong bagay na tulad nito. Kahit gaano pa magpatotoo ang mga tao tungkol sa pagkakakilanlan, diwa, at lahat ng gawain ng Diyos, at kahit gaano pa nila kakongkreto at katapat na gawin ito, hindi ito tinatanggap ng mga anticristo; hindi nila kinikilala na gawa ito ng Diyos, na may katotohanang dapat hanapin dito, o na ito ang pinakamagandang edukasyonal na materyal at patotoo para sa kaalaman ng sangkatauhan sa Diyos. Sa kabaligtaran, sa anumang maliit na bagay na ginagawa ni Satanas, nang namamalayan o hindi, nagpapatirapa ang mga anticristo sa paghanga rito. Pagdating sa mga bagay na ginagawa ni Satanas, nagkakaisa ang mga anticristo sa pagtanggap, paniniwala, pagsamba, at pagsunod sa mga bagay na ito, itinuturing man ang mga ito na marangal o mababa ng sangkatauhan. Gayumpaman, may isang bagay na bumabagabag sa mga anticristo: Sinabi ni Buddha na kaya niyang paratingin ang mga tao sa Purong Lupain, at iniisip ng mga anticristo: “Mukhang mas mababa ang Purong Lupaing ito kaysa sa kaharian ng langit at sa langit na binabanggit ng diyos—hindi ito gaanong ideyal. Bagaman makapangyarihan si Satanas, at kaya nitong magbigay ng walang katapusang mga pakinabang sa mga tao, at tugunan ang lahat ng kanilang ambisyon at pagnanais, ang isang bagay na hindi nito magawa ay ang mangako sa tao, bigyang-kakayahan ang mga tao na makapasok sa kaharian ng langit at makamtan ang buhay na walang hanggan. Hindi nangangahas si Satanas na ipahayag ito at hindi ito kayang gawin ni Satanas.” Sa kaibuturan ng puso nila, nararamdaman ng mga anticristo na wala ito sa hinagap nila, at kasabay nito, iniisip nilang ito ang pinakanakakapanghinayang na bagay. Kaya habang sumusunod sa Diyos nang labag sa kanilang loob, patuloy pa rin nilang pinaplano kung paano makakamtan ang mas higit pang mga pagpapala, at kung sino ang makakatugon sa kanilang mga pagnanais at ambisyon. Kuwenta sila nang kuwenta, at sa huli, wala silang magawa kundi ang makipagkompromiso na manatili sa sambahayan ng Diyos. Batay sa mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ano ang kanilang saloobin at pananaw sa Diyos? Mayroon ba silang kahit kaunting tunay na pananampalataya? Mayroon ba silang tunay na pananalig sa Diyos? Kinikilala ba nila kahit kaunti ang mga gawa ng Diyos? Kaya ba nilang sabihin ang “Amen” mula sa kaibuturan ng puso nila sa katunayang ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang buhay, at ang daan? Ginawa ng Diyos ang napakadakilang gawain sa sangkatauhan—kaya bang purihin ng mga anticristo ang dakilang kapangyarihan at matuwid na disposisyon ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso nila? (Hindi.) Dahil itinatanggi mismo ng mga anticristo ang pagkakakilanlan, diwa, at lahat ng gawa ng Diyos kaya palagi nilang itinataas at pinapatotohanan ang sarili nila sa proseso ng pagsunod sa Kanya, at kaya nila sinusubukang makuha ang pabor at puso ng mga tao, at kaya sinusubukan pa nga nilang kontrolin at ikulong ang puso ng mga tao, at makipagkompetensiya sa Diyos para sa Kanyang mga hinirang. Pinapatunayan ng lahat ng gayong pagpapamalas na hindi kailanman kinikilala ng mga anticristo ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, o kinikilala na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ang sangkatauhan at lahat ng bagay. Ito ang hinimay natin noong nakaraan tungkol sa mga pananaw, pagpapamalas, at mga pagbubunyag ng mga anticristo tungkol sa pag-iral ng Diyos. Dahil may ganitong pananaw at pagpapamalas ang mga anticristo tungkol sa pag-iral ng Diyos, ano naman ang saloobin nila kay Cristo, sa Diyos na nagkatawang-tao? Magagawa ba nilang tunay na paniwalaan, kilalanin, sundan Siya, at magpasakop sa Kanya? (Hindi.) Batay sa pakikitungo ng mga anticristo sa pag-iral ng Diyos, kinikimkim nila ang ganitong saloobin sa Espiritu ng Diyos, kaya hindi na kailangang sabihing mas kasuklam-suklam pa ang saloobin nila sa Diyos na nagkatawang-tao kaysa sa salobin nila sa Kanyang Espiritu, na may mas malinaw at mas matinding mga pagpapamalas.

II. Itinatanggi ng mga Anticristo ang Diwa ni Cristo

Ngayon, magbabahaginan tayo sa kung paano tinatrato ng mga anticristo si Cristo, ang Diyos na nagkatawang-tao, batay sa hindi nila paniniwala na mayroong Diyos. Kinikilala ng maraming tao ang katunayang hindi naniniwala ang mga anticristo na may Diyos. Matapos ang lahat ng pagbabahaginan, pagbubunyag, at paghihimay na ito, nakakuha ba kayo ng kongkretong pag-unawa sa mga disposisyon at pagpapamalas ng mga anticristo? Tinatanggap man nila ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, o ang katunayang naging laman ang Diyos, sa realidad, itinatanggi nila ang pag-iral ng Diyos. Kaya, anong klaseng tao ba talaga sila? Sa tumpak na pananalita, sila ay mga mapagsamantalang hindi mananampalataya, sila ay mga Pariseo. Malinaw na masama ang ilan sa kanila, habang mukhang mapagpakumbaba, may pinong ugali, may dignidad, at marangal ang iba—mga tipikal na Pariseo sila. Pagdating sa dalawang uri ng taong ito—iyong mga mukhang masama at iyong mga mukhang banal at hindi masama—kung pangunahin silang hindi nananampalataya na may Diyos, masasabi ba natin na mga hindi sila mananampalataya? (Oo.) Nagbabahaginan tayo ngayon sa kung ano ang mga pananaw at saloobin ng mga hindi mananampalataya kay Cristo, kung ano ang mga pagpapamalas na ipinapakita nila sa iba’t ibang aspekto ni Cristo, at kung paano natin mauunawaan ang diwa ng mga anticristo sa pamamagitan ng mga pagpapamalas na ito.

A. Kung Paano Itinuturing ng mga Anticristo ang Pinagmulan ni Cristo

Pagdating kay Cristo, na isang ordinaryong tao na may espesyal na pagkakakilanlan, ano ang mga bagay na kadalasang pinakapinapahalagahan ng mga tao? Una sa lahat, hindi ba’t maraming tao ang nagpapahalaga sa Kanyang pinagmulan? Isang pangunahing pokus iyan ng atensiyon ng mga tao. Kaya, una nating pagbahaginan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pinagmulan ni Cristo. Bago tayo magbahaginan tungkol dito, pag-usapan muna natin kung paano pinlano ng Diyos ang iba’t ibang aspekto ng pinagmulan ng Kanyang laman nang nagkatawang-tao Siya. Gaya ng alam ng marami, noong Kapanahunan ng Biyaya, ipinaglihi si Cristo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinanganak ng isang birhen. Ipinanganak Siya sa isang lubhang ordinaryo, normal na pamilya, na sa modernong salita ay matatawag na isang sambahayan ng mga karaniwang mamamayan. Hindi Siya ipinanganak sa isang mayaman, opisyal o kilalang malaking pamilya—Ipinanganak pa nga Siya sa isang sabsaban, na lubhang wala sa hinagap at imahinasyon ng lahat. Kung titingnan ang bawat aspekto ng pinagmulan ng unang nagkatawang-taong laman ng Diyos, napakaordinaryo ng pamilya kung saan isinilang ang Diyos na nagkatawang-tao. Si Maria, ang Kanyang ina, ay ordinaryo rin, at hindi isang pambihirang tao, at tiyak na wala siyang taglay na anumang espesyal na kapangyarihan, o mga pambihira, natatanging talento. Gayumpaman, mahalagang tandaan na hindi siya hindi mananampalataya o walang pananampalataya, kundi isa siyang tagasunod ng Diyos. Napakahalaga nito. Si Jose, ang asawa ni Maria, ay isang karpintero. Ang isang karpintero ay isang uri ng artesano, at katamtaman ang kita niya, pero hindi siya mayaman at wala siyang masyadong pera. Gayumpaman, malayo siya sa pagiging mahirap, at kaya niyang tugunan ang lahat ng pangunahing pangangailangan ng pamilya niya. Ipinanganak sa ganitong uri ng pamilya ang Panginoong Jesus; ayon sa mga pamantayan ng kita at mga kondisyon ng pamumuhay ngayon, halos hindi masasabing nasa panggitnang uri ang pamilya niya. Maituturing bang marangal o mababa sa sangkatuhan ang gayong pamilya? (Mababa.) Samakatwid, ang pamilya kung saan isinilang ang Panginoong Jesus ay malayo sa pagiging kilala, mayaman, o tanyag, at lalong malayo sa itinuturing ngayong mataas na uri. Kapag lumalabas ang mga bata mula sa mga pamilyang mayaman o may mataas na katayuan, karaniwan silang pinapalibutan at dinudumog ng mga tao, pero kabaligtaran ang nangyari sa pamilya ng Panginoong Jesus. Ipinanganak Siya sa isang pamilya na walang marangyang kondisyon ng pamumuhay o kilalang katayuan. Isang napakaordinaryong pamilya ito na hindi napapansin at binabalewala ng mga tao, walang sinumang pumupuri o dumudumog sa kanila. Sa ganitong kalagayan at panlipunang kapaligiran noon, nasa posisyon ba si Cristo para makatanggap ng mataas na edukasyon o maimpluwensiyahan at maapektuhan ng iba’t ibang pamumuhay, kaisipan, pananaw, at iba pa ng mataas na antas na lipunan? Maliwanag na hindi. Karaniwang edukasyon ang natanggap Niya, binasa Niya ang mga Kasulatan sa bahay, nakinig sa mga kuwento mula sa Kanyang mga magulang, at dumalo ng mga pagsamba sa iglesia kasama nila. Sa lahat ng aspekto, ang pinagmulan ng Panginoong Jesus at ang kontekstong kinalakihan Niya ay hindi prestihiyoso, o marangal gaya ng inaakala ng mga tao. Ang kapaligirang kinalakihan Niya ay katulad ng sa isang ordinaryong tao. Simple at ordinaryo ang Kanyang pang-araw-araw na buhay, katulad ng sa karaniwang tao ang mga kondisyon ng Kanyang pamumuhay, hindi espesyal ang mga ito, at wala Siya ng mga espesyal at nakakataas na kondisyon ng pamumuhay ng mataas na antas ng lipunan. Sa ganitong konteksto ipinanganak ang unang nagkatawang-taong laman ng Diyos, at ang kapaligirang Kanyang kinalakihan.

Bagaman ang kasarian ng Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito ay lubos na naiiba sa nakaraang pagkakatawang-tao, ordinaryo rin at hindi kapansin-pansin ang katayuan ng Kanyang pinagmulang pamilya. Nagtatanong ang ilan, “Gaano kaordinaryo?” Sa kasalukuyang panahon, nangangahulugan ang ordinaryo ng isang karaniwang kapaligiran sa pamumuhay. Ipinanganak si Cristo sa isang pamilya ng manggagawa, ibig sabihin, isang pamilya na umaasa sa sahod para sa kabuhayan nila, na kayang tugunan ang sarili nilang mga pangunahing pangangailangan, pero hindi sila mayaman tulad ng mga nakakariwasa. Nakisalamuha si Cristo sa mga ordinaryong tao, at naranasan Niya ang buhay ng mga ordinaryong tao; namuhay Siya sa ganitong uri ng kapaligiran, walang anumang espesyal dito. Sa pangkalahatan, may pagkakataon bang matuto ng mga masining na kasanayan ang mga anak mula sa mga pamilya ng mga manggagawa? Mayroon ba silang pagkakataong malantad sa iba’t ibang pananaw na laganap sa mataas na lipunan? (Wala.) Hindi lamang sila walang pagkakataong matutuhan ang iba’t ibang kasanayan, higit pa rito, wala silang mga pagkakataong makihalubilo sa mga tao, pangyayari, at bagay sa mataas na lipunan. Mula sa perspektibang ito, napakaordinaryo ng pamilya kung saan isinilang ang Diyos na nagkatawang-tao sa pagkakataong ito. Namumuhay nang marangal ang Kanyang mga magulang, nakasalalay ang kabuhayan nila sa kanilang trabaho at hanapbuhay, at karaniwan ang kondisyon ng pamumuhay nila. Pinakakaraniwan sa modernong lipunan ang mga gayong kondisyon. Mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya, walang nakakaangat na kondisyon sa kapaligiran ng kapanganakan ni Cristo, at wala sa kanyang pinagmulan o kalidad ng buhay ang maipagyayabang. Ipinanganak sa mga pamilyang intelektuwal ang ilang kilalang tao; pawang mga edukador at matataas na intelektuwal ang mga ninuno nila. Lumaki sila sa ganitong kapaligiran, na may kasamang estilo at tindig ng isang intelektuwal na pamilya. Pinili ba ng Diyos ang katulad na pinagmulan na pamilya para sa Kanyang nagkatawang-taong laman? Hindi. Sa pagkakataong ito, ang Diyos na nagkatawang-tao ay wala ring kilalang pinagmulang pamilya at kilalang katayuan sa lipunan, at lalong wala Siyang nakakaangat na kalagayan ng pamumuhay—nagmula Siya sa isang lubos na ordinaryong pamilya. Huwag muna nating pag-usapan kung bakit pinili ng Diyos na nagkatawang-tao ang gayong pamilya, kapaligiran sa pamumuhay, at pinagmulang Kanyang kalalakihan; hindi natin pag-uusapan ang kahalagahan nito sa ngayon. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t nababahala ang ilang tao kung nakapag-aral si Cristo sa unibersidad? Sasabihin Ko sa inyo ang katotohanan: Huminto Ako sa pag-aaral bago kumuha ng college entrance exam at umalis Ako sa bahay sa edad na 17. Kaya, nakapag-aral ba Ako sa unibersidad? (Hindi.) Masama o magandang balita ba ito para sa inyo? (Sa tingin ko, wala nang saysay na malaman pa ito, wala itong kinalaman sa pagsunod sa Diyos.) Iyan ang tamang perspektiba. Hindi Ko pa ito nabanggit dati, hindi dahil gusto Ko itong itago o pagtakpan, kundi dahil hindi na ito kailangang sabihin, dahil ganap na walang kinalaman ang mga bagay na ito sa pagkilala at pagsunod sa Diyos. Bagaman ang kuwento sa likod ng kapanganakan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang kapaligiran ng Kanyang pamilya, at ang kapaligiran kung saan Siya lumaki ay walang epekto sa pagkilala sa Diyos o sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi talaga konektado sa mga bagay na ito, bakit Ko binabanggit ang mga isyung ito rito? May kinalaman ito sa isa sa mga pananaw ng mga anticristo tungkol kay Cristo na ating hinihimay ngayon. Hindi pinili ng Diyos ang isang kilalang katayuan, marangal na pagkakakilanlan, o kilalang pinagmulan ng pamilya at katayuan sa lipunan para sa Kanyang nagkatawang-taong laman, lalong hindi Niya pinili ang isang nakakaangat, komportable, mayaman, marangyang kapaligiran na Kanyang kalalakihan. Hindi rin pinili ng Diyos ang isang pinagmulang pamilya kung saan makakatanggap Siya ng mas mataas na edukasyon o makakasalamuha Niya ang mataas na lipunan. Kung isinasaalang-alang ang mga aspekto ng pagpili ng Diyos nang nagkatawang-tao Siya, maaapektuhan ba ng mga bagay na ito ang gawaing ipinarito ni Cristo? (Hindi.) Kung titingnan ang proseso, kalikasan, at mga resulta ng Kanyang mga huling gawain, hindi nakakaapekto ang mga aspektong ito sa anumang paraan sa plano ng gawain, mga hakbang, o mga resulta ng Diyos, kundi sa kabaligtaran, may partikular na pakinabang sa mga aspektong ito ng Kanyang pagpili, ibig sabihin, mas kapaki-pakinabang para sa kaligtasan ng mga hinirang na tao ng Diyos ang pagpili Niya na ipanganak sa gayong kapaligiran, dahil nagmula ang 99% sa kanila sa katulad na pinagmulan. Isang aspekto ito ng kahalagahan ng pinagmulan ng Diyos na nagkatawang-tao na dapat maunawaan ng mga tao.

Kanina lang, nagsalita Ako sa simpleng paraan tungkol sa pinagmulan at kapaligiran ng kapanganakan ni Cristo, para mabigyan kayo ng pangkalahatang pag-unawa tungkol dito. Susunod, himayin natin kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pinagmulan ng Diyos na nagkatawang-tao. Una, ang mga anticristo ay lihim na namumuhi at may pakiramdam ng paglaban sa kapaligiran at pinagmulan ng kapanganakan ni Cristo. Bakit nila ito kinamumuhian at nilalabanan? Dahil mayroon silang mga kaisipan at kuru-kuro sa kalooban nila. Ano ang perspektiba nila tungkol dito? “Ang diyos ang lumikha, pinakamakapangyarihan siya sa lahat, nasa itaas siya ng kalangitan, at nasa itaas ng sangkatauhan at ng lahat ng nilikha. Kung diyos siya, dapat siyang umangat sa pinakamataas na posisyon sa sangkatauhan.” Ano ang ibig nilang sabihin sa pag-angat niya sa pinakamataas na posisyon? Ibig nilang sabihin na mas mataas siya dapat sa lahat, na dapat na ipinanganak siya sa isang kilala, marangal na malaking pamilya, at wala na siyang mahihiling pa; na dapat ipinanganak siyang may pilak na kutsara sa bibig niya, may ganap na kapangyarihan, pati na rin awtoridad at impluwensiya, at maging lalong mayaman at isang bilyonaryo. Kasabay nito, dapat mataas ang pinag-aralan niya, natutuhan ang lahat ng bagay na dapat malaman ng mga tao sa mundong ito. Halimbawa, tulad ng isang prinsipe, dapat makatanggap siya ng personal na pagtuturo, mag-aral sa mga kilalang paaralan, at mamuhay ng buhay ng mataas na antas ng lipunan. Hindi siya dapat maging anak ng isang ordinaryong pamilya. Dahil si cristo ang nagkatawang-taong laman, dapat na higit ang edukasyon niya kaysa sa lahat, at dapat iba sa mga karaniwang tao ang kanyang mga materyales sa pag-aaral. Iniisip nila na dahil pumarito si cristo para maghari, dapat matuto siya ng sining ng pamumuno, gayundin kung paano pamahalaan at kontrolin ang sangkatauhan, at pag-aralan ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang, at matuto ng maraming wika at ilang masining na kasanayan, para magamit ang mga ito sa gawain niya sa hinaharap, at para mapamahalaan niya ang lahat ng uri ng tao sa hinaharap. Para sa kanila, ang gayong cristo lang ang magiging marangal, dakila, at may kakayahang iligtas ang mga tao dahil magkakaroon siya ng sapat na mga kaalaman at talento, at sapat na kakayahan para mabasa ang isipan ng tao upang makontrol sila. Kinikimkim ng mga anticristo ang mga gayong kuru-kuro tungkol sa pinagmulan ng nagkatawang-taong laman ng Diyos at pinanghahawakan nila ang mga kuru-kurong ito habang tinatanggap ang Diyos na nagkatawang-tao. Una, hindi nila isinasantabi ang mga kuru-kuro nila at hindi nila nauunawaan o naaarok muli ang ginagawa ng Diyos mula sa kaibuturan ng puso nila. Hindi nila itinatanggi ang sarili nilang mga kuru-kuro at pananaw, o nauunawaan ang mga panlilinlang na kinikimkim nila, at hindi nila nakikilala si Cristo at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos at hindi nila tinatanggap ang lahat ng sinasabi at ginagawa ni Cristo nang may saloobin at prinsipyo ng pagpapasakop sa katotohanan. Sa halip, sinusukat nila ang lahat ng sinasabi ni Cristo ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at pananaw. “Walang lohika ang pahayag na ito ni cristo; mali naman ang pagkakabuo sa isang iyon; may mali sa gramatika nito; masasabi mong hindi mataas ang pinag-aralan ni cristo. Hindi ba’t nagsasalita siya na parang isang karaniwang tao? Paano magsasalita ng ganoon si cristo? Hindi niya ito kasalanan. Sa katunayan, gusto rin niyang makilala, igalang ng iba, pero hindi posible iyon—hindi siya nagmula sa isang magandang pamilya. Mga ordinaryong tao lamang ang mga magulang niya, at nakaimpluwensiya ang paraan ng pamumuhay nila para matulad siya sa kanila. Paano ito nagawa ng diyos? Bakit parang hindi masyadong elegante at marangal ang mga salita at kilos ni cristo? Bakit wala siyang pananalita at kilos ng mga iskolar at ng mga pinong intelektuwal sa lipunan, ng mga prinsesa at prinsipe mula sa mataas na antas ng lipunan? Bakit parang hindi tugma sa pagkakakilanlan ni cristo ang kanyang mga salita at gawa?” Nagkikimkim ang mga anticristo ng ganitong uri ng perspektiba at ng ganitong uri ng mapagmasid na pananaw sa kung paano nila tinitingnan si Cristo, at ang lahat ng Kanyang salita at gawain, kung paano Niya itinuturing ang mga tao, at ang Kanyang pananalita at kilos, at hindi maiwasang lumilitaw ang mga kuru-kuro sa puso nila. Hindi lamang sila hindi nagpapasakop kay Cristo, hindi rin nila itinuturing nang tama ang Kanyang mga salita. Sinasabi nila, “Puwede bang maging tagapagligtas ko ang gayong ordinaryong tao, ang gayong karaniwang tao? Maaari ba niya akong pagpalain? Maaari ba akong magkamit ng anumang pakinabang mula sa kanya? Maaari bang matupad ang mga pangarap at hangarin ko? Masyadong ordinaryo ang taong ito, hanggang sa puntong kahamak-hamak siya.” Habang mas nakikita ng mga anticristo na ordinaryo at karaniwan si Cristo, at iniisip na napakanormal ni Cristo, mas lalo nilang nararamdamang mataas at marangal sila. Kasabay nito, nagkukompara pa ang ilang anticristo, “Bata ka pa at hindi mo alam kung paano manamit o makipag-usap sa mga tao. Hindi mo alam kung paano kumuha ng impormasyon mula sa mga tao. Bakit ka masyadong direkta? Paano nahahawig sa diyos ang anumang sinasabi mo? Paanong nagpapakita ang anumang sinasabi mo na ikaw ang diyos? Paano nahahawig sa diyos ang iyong mga kilos, pananalita, ugali, gawi, at pananamit? Sa tingin ko, hindi ka naman nahahawig sa diyos sa anuman sa mga aspektong ito. Dapat na may mas mataas na edukasyon si cristo, dapat alam na alam niya ang kabuuan ng Bibliya, at dapat magaling siyang magsalita, pero palagi mong inuulit ang sinasabi mo at kung minsan ay gumagamit ka ng mga salitang hindi angkop.” Pagkatapos ng maraming taon ng pagsunod kay Cristo, hindi lang hindi tinanggap ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan sa puso nila, hindi rin nila tinanggap ang katunayang si Cristo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Katumbas ito ng hindi nila pagtanggap kay Cristo bilang Tagapagligtas nila. Sa halip, mas lalo nilang kinamumuhian ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang ordinaryong taong ito, sa kanilang puso. Dahil wala silang nakikitang espesyal kay Cristo, dahil napakakaraniwan at napakaordinaryo ng Kanyang pinagmulan, at mukhang hindi Niya kayang magdulot ng anumang benipisyo sa kanila sa lipunan o sa sangkatauhan, o tulutan silang magtamasa ng anumang pakinabang, nagsisimula silang walang habas at hayagang husgahan Siya, “Hindi ba’t anak ka lang ng kung sinong pamilya? Anong mali sa paghuhusga ko sa iyo kung gayon? Ano ang magagawa mo sa akin? Kung nagmula ka sa isang kilalang pamilya o may mga magulang na opisyal, baka matakot ako sa iyo. Bakit ako matatakot sa iyo kung ganyan ka naman? Kaya, kahit si cristo ka, ang nagkatawang-taong laman na pinatotohanan ng diyos, hindi ako natatakot sa iyo! Patuloy pa rin kitang huhusgahan kapag nakatalikod ka, at malaya akong magkokomento tungkol sa iyo. Tuwing may pagkakataon ako, pag-aaralan ko ang iyong pamilya at lugar ng kapanganakan.” Ito ang mga bagay na paboritong gawan ng isyu ng mga anticristo. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, at paulit-ulit nilang hinuhusgahan at nilalabanan ang anumang hindi tugma sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Alam na alam ng mga taong ito na ang katotohanan ang ipinapahayag ni Cristo, kaya bakit hindi nila hinahangad ang katotohanan? Talagang wala silang katwiran!

Partikular na sumasamba ang mga anticristo sa kapangyarihan at katayuan. Kung nagmula si Cristo sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya, hindi sila mangangahas na magsalita ng kahit ano. Ngunit dahil nagmula Siya sa isang ordinaryong pamilya na walang kapangyarihan, hinding-hindi sila natatakot sa Kanya, pakiramdam nila ay maaari nilang basta-bastang pag-aralan at husgahan ang Diyos, si Cristo, at ganap silang walang pakialam dito. Kung tunay nilang kinikilala at pinaniniwalaan na ang taong ito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, magagawa ba nilang kumilos nang ganito? Magagawa ba ito ng sinumang may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso? Hindi ba’t magpipigil sila? (Oo.) Anong uri ng mga tao ang nakakakilos nang ganito? Hindi ba’t ito ang pag-uugali ng mga anticristo? (Oo.) Kung kinikilala mo na ang diwa ni Cristo ay ang Diyos mismo at na ang taong sinusundan mo ay ang Diyos, paano mo dapat tratuhin ang lahat ng bagay na may kaugnayan kay Cristo? Hindi ba’t dapat may mga prinsipyo ang mga tao? (Oo.) Kung gayon, bakit nangangahas silang labagin ang mga prinsipyong ito nang walang kahit kaunting pag-aalinlangan? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng pagkapoot kay Cristo? Dahil ipinanganak si Cristo sa isang ordinaryong pamilya, kasabay ng kanilang pagkadismaya sa Kanya, nagkikimkim din ang mga anticristo ng pagkapoot sa Kanyang pamilya at mga miyembro nito. At habang lumilitaw ang pagkapoot na ito sa kanila, hindi sila humihinto o nagpapahinga, sa halip ay tumatambay sila sa sambahayan ni Cristo at nagtatanong sa tuwing may pagkakataon, na para bang gumagawa sila ng isang lehitimong trabaho: “Nagbalik na ba si cristo? Mayroon bang nagbago sa buhay ng pamilya mula nang lumitaw si cristo?” Inuusisa nila ang mga usaping ito tuwing may pagkakataon. Hindi ba’t kasuklam-suklam ang mga gayong tao? Hindi ba’t nakakadiri sila? Hindi ba’t kamuhi-muhi sila? Sobra silang kamuhi-muhi at marumi! Isantabi muna natin kung kumusta ang pananalig nila sa Diyos, at ikonsidera lamang: Anong uri ng karakter ang taglay ng mga taong kayang gumawa ng mga gayong bagay at may gayong uri ng maruruming kaisipan? Tiyak na mababa ang karakter nila. Mga hamak sila, at sobrang kamuhi-muhi at marumi! Kung hindi ka nananalig kay Cristo, puwede mong sabihin nang malinaw sa Akin, “Hindi ka mukhang diyos; isang tao ka lang. Hinusgahan kita habang nakatalikod ka—ano ang magagawa mo tungkol doon? Itinanggi kita—ano ang magagawa mo roon?” Kung hindi ka nananalig, hindi kita pipilitin, at walang sinuman ang pipilit sa iyo na gawin ito. Pero hindi mo kailangang patagong gumawa ng gayong mabababaw na kilos. Ano ang layon ng mga iyon? Makakatulong ba ang mga iyon para lumago ang pananalig mo? Makakatulong ba ang mga ito sa pag-unlad ng buhay mo, o na mas maunawaan mo ang Diyos? Wala ito ng mga ganitong layon, kaya bakit ginagawa mo ang mga ito? Sa pinakamababa, may napakakasumpa-sumpang pagkatao ang mga taong gumagawa ng mga gayong kilos; hindi sila nananalig sa diwa ni Cristo o hindi nila kinikilala ang Kanyang pagkakakilanlan. Kung hindi ka nananalig, huwag kang manalig. Umalis ka na! Bakit pinapatagal mo pa ang pananatili mo sa sambahayan ng Diyos? Ang hindi pananalig sa Diyos pero gusto pa ring makatanggap ng mga pagpapala at nagkikimkim ng mga ambisyon at pagnanais—ito ang pagiging kamuhi-muhi ng mga anticristo. Ang mga gayong tao, dahil labis silang kamuhi-muhi, ay kayang gumawa ng mga “katangi-tanging” pagkilos. Wala Ako sa bahay sa loob ng 20 taon, at “inalagaan nang mabuti” ng mga taong ito ang bahay na iyon sa loob ng 20 taon; wala Ako sa bahay nang 30 taon, at “inalagaan” nila ito sa loob ng 30 taon. Nagtataka Ako kung bakit sobrang “bait” nila at walang ginagawa. Nahanap Ko ang sagot sa tanong na ito, at iyon ay gusto nilang kalabanin ang Diyos hanggang sa wakas. Hindi sila nananalig sa diwa ng Diyos o sa lahat ng Kanyang nagawa. Sa panlabas, mukhang mausisa at nagmamalasakit sila, pero sa diwa, nagmamatyag at naghahanap sila ng sandata, may pagkapoot, pagtanggi, at pagkondena sa loob nila. Bakit nananampalataya pa rin ang mga taong ito? Ano ang punto ng pananampalataya nila sa Diyos? Dapat nilang itigil ang pananampalataya nila at umalis na agad! Hindi nangangailangan ang sambahayan ng Diyos ng mga gayong tao. Huwag na nilang ipahiya ang sarili nila! Gagawin ba ninyo ang mga parehong bagay sa ilalim ng katulad na mga sitwasyon at kondisyon? Kung magagawa ninyo, kung gayon ay katulad lang din nila kayo, isang grupo ng mga anticristo na determinadong kalabanin ang Diyos hanggang sa wakas, hindi titigil hanggang kamatayan, naghahanap ng mga sandata at ebidensiya laban sa Diyos upang itanggi Siya, ang Kanyang diwa, at ang Kanyang pagkakakilanlan.

Kahit ano pa ang gawin ng Diyos, hindi Siya kailanman nagkakamali. Isinilang man Siya sa isang pangkaraniwan, ordinaryong kapaligiran at pinagmulan, o sa isang kilalang pamilya, walang mali rito, at walang dahilan para makahanap ng kapintasan ang mga tao sa Kanya. Kung susubukan mong maghanap ng anumang kamalian o ebidensiya sa nagkatawang-taong laman ng Diyos para patunayang hindi Siya si Cristo o na wala Siyang diwa ng Diyos, sinasabi Ko sa iyo, huwag ka nang mag-abala, at huwag ka nang manalig. Umalis ka na lang—hindi ba’t hindi ka na maaabala kung gayon? Bakit mo pa pinapahirapan ang sarili mo? Ang subukang hanapan ng mali o ebidensiya si Cristo para akusahan, itanggi, o kondenahin Siya ay hindi ang lehitimo mong trabaho, tungkulin, o responsabilidad. Anumang pamilya ang pinagsilangan ni Cristo, ang kapaligiran kung saan Siya lumaki, o ang pagkataong taglay Niya, pinili ito mismo ng Diyos, ng Lumikha, at wala itong kinalaman kaninuman. Tama ang anumang gawin ng Diyos, ito ang katotohanan, at ginagawa ito para sa kapakanan ng sangkatauhan. Kung ipinanganak ang Diyos sa isang palasyo at hindi sa isang ordinaryong pamilya, magkakaroon ba ng pagkakataon ang isang ordinaryong tao o isang tao mula sa mababang antas ng lipunan na makipag-ugnayan sa Diyos? Hindi ka magkakaroon ng pagkakataon. Kaya, may mali ba sa pagpili ng Diyos ng gayong paraan ng kapanganakan at paglaki? Pagmamahal ito na walang kapantay sa mundo, ito ang pinakapositibong bagay. Gayumpaman, nakikita ng mga anticristo ang pinakapositibong bagay na ginawa ng Diyos bilang tanda na madali Siyang apihin at paglaruan, at nais nilang patuloy Siyang bantayan at hanapan ng kapintasan. Ano ang binabantayan mo? Kung hindi mo man lang mapagkatiwalaan ang karakter at pagkatao ni Cristo, at sinusundan mo Siya bilang Diyos, hindi ba’t sinasampal mo lang ang sarili mo? Hindi ba’t pinapahirapan mo lang ang sarili mo? Bakit mo pa pinapahirapan ang sarili mo? Masaya ba ito? Pagkatapos, napansin Ko na nagawang tratuhin nang tama ng karamihan sa mga taong tumanggap sa Makapangyarihang Diyos kalaunan ang bagay na ito. Mausisa ang ilan nang nakipag-ugnayan sila sa Akin, pero iniiwasan at hindi Ko pinapansin ang mga gayong tao. Kung matatanggap mo ang katotohanan, iisang pamilya tayo. Kung hindi mo kaya at palagi kang nagtatanong tungkol sa personal Kong impormasyon, umalis ka na. Hindi kita kinikilala; hindi tayo magkapamilya, kundi magkaaway. Kung, pagkatapos marinig ang napakaraming salita ng Diyos, at matanggap ang Kanyang gawain at pagpapastol sa loob ng maraming taon, nagkikimkim pa rin ang mga tao ng mga gayong kaisipan sa nagkatawang-taong laman ng Diyos at kumikilos pa nga ayon sa mga ito, masasabi talaga na may disposisyon ang mga taong ito na laban sa Diyos. Ipinanganak silang mga kaaway ng Diyos, hindi kayang tumanggap ng mga positibong bagay.

Dalawang libong taon na ang nakalipas, nagpakahirap si Pablo para labanan ang Panginoong Jesus, walang habas na inuusig, hinuhusgahan, at kinokondena Siya. Bakit? Dahil isinilang ang Panginoong Jesus sa isang karaniwang pamilya, isa Siyang pangkaraniwang miyembro ng populasyon, at hindi nakatanggap ng diumano’y edukasyon, epekto, o impluwensiya ng mga eskriba at mga Pariseo. Sa mata ni Pablo, hindi karapat-dapat ang gayong tao na matawag na Cristo. Bakit hindi? Dahil mababa ang Kanyang pagkakakilanlan, hindi mataas ang Kanyang posisyon sa lipunan, at miyembro Siya ng mababang uri sa lipunan ng tao, kaya hindi Siya karapat-dapat na matawag na Cristo o Anak ng buhay na Diyos. Dahil dito, naglakas-loob si Pablo na gawin ang lahat ng paraan para labanan ang Panginoong Jesus, gamit ang kanyang impluwensiya, karisma, at ang pamahalaan para kondenahin at labanan Siya, sirain ang Kanyang gawain, at arestuhin ang Kanyang mga tagasunod. Habang nilalabanan niya ang Panginoong Jesus, naniwala si Pablo na ipinagtatanggol niya ang gawain ng Diyos, na makatarungan ang mga kilos niya, at na kumakatawan siya sa isang makatarungang puwersa. Inakala niyang nilalabanan niya ang isang ordinaryong tao at hindi ang Diyos. Dahil mismo sa iniisip niyang mababa at hindi marangal ang pinagmulan ni Cristo, kaya naglakas-loob siyang walang pakundangan at walang takot na husgahan at kondenahin si Cristo, at payapa at matatag ang pakiramdam ng puso niya sa mga ikinikilos niya. Anong klaseng nilalang siya? Kahit na hindi niya napagtanto na ang Panginoong Jesus ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o nalaman na mula sa Diyos ang Kanyang mga sermon at salita, karapat-dapat ba ang gayong ordinaryong tao sa todo-todong niyang pag-atake? Karapat-dapat ba Siya sa ganitong uri ng malisyosong pagsalakay? Karapat-dapat ba Siya sa pag-iimbento ni Pablo ng mga tsismis at kasinungalingan para linlangin ang iba at makipagkompitensiya sa Kanya para sa mga tao? Hindi ba’t walang basehan ang mga kasinungalingan ni Pablo? Mayroon bang alinman sa mga ginawa ng Panginoong Jesus na nakaapekto sa interes o katayuan ni Pablo? Wala. Nangaral at nagsermon ang Panginoong Jesus sa mga nasa mababang antas ng lipunan, at kasabay nito, maraming tao ang sumunod sa Kanya. Ganap na ibang mundo ito kumpara sa kapaligirang ginagalawan ng isang taong tulad ni Pablo, kaya bakit inusig ni Pablo ang Panginoong Jesus? Ang anticristong diwa niya ang kumikilos. Naisip niya, “Gaano man karangal, katama, o tinatanggap ang mga sermon mo, kung sasabihin kong hindi ka si cristo, hindi ka si cristo. Kung ayaw ko sa iyo, uusigin kita, walang pakundangan kitang aakusahan, at pagbabayarin kita.” Dahil ang mga bagay na tinataglay ni Cristo sa Kanyang normal na pagkatao ay hindi nakakatugon sa mga hinihingi ni Pablo, at hindi ginawa o naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ni Pablo, nagagawa ng mga anticristong tulad ni Pablo na walang pakundangang husgahan, itanggi, at kondenahin Siya. Ano ang nangyari sa huli? Pagkatapos siyang pabagsakin ng Panginoong Jesus, kinilala ni Pablo sa wakas, “Sino ka baga, panginoon?” Pagkatapos ay sinabi ng Panginoong Jesus, “Ako si Jesus, na nilalabanan mo.” Mula noon, hindi na naniwala si Pablo na isang ordinaryong tao si Jesus o isang taong hindi tulad ni Cristo dahil sa Kanyang mababang pinagmulan. Bakit? Dahil kayang bulagin ng liwanag ng Panginoong Jesus ang mga tao, mayroon Siyang awtoridad, at kayang pabagsakin ng Kanyang mga salita ang mga tao, at pabagsakin ang mga kaluluwa nila. Naisip ni Pablo, “Puwede ba talagang maging diyos ang taong ito na tinatawag na Jesus? Pwede nga kayang anak siya ng buhay na diyos? Kaya niyang pabagsakin ang mga tao, kaya malamang na diyos siya. Pero may isang bagay lamang—hindi ang ordinaryong taong ito na tinatawag na cristo ang nagpapabagsak sa mga tao, kundi ang espiritu ng diyos. Kaya anuman ang mangyari, hangga’t tinatawag kang Jesus, hindi ako yuyukod sa iyo sa pagsamba. Sinasamba ko lamang ang diyos sa langit, ang espiritu ng diyos.” Pagkatapos pabagsakin, may naisip si Pablo. Bagaman isang masamang pangyayari ang pagbagsak niya, napagtanto niya dahil dito na may natatanging pagkakakilanlan ang taong tinatawag na cristo, at na isang malaking karangalan ang maging cristo, at sinumang maging cristo ay puwedeng maging anak ng buhay na diyos, mapalapit sa diyos, at baguhin ang ugnayan niya sa diyos, ginagawang espesyal ang ordinaryong taong iyon, at ang pagkakakilanlan ng ordinaryong taong iyon ay nagiging anak ng diyos. Naisip niya, “Bagaman ikaw, Jesus, ay anak ng buhay na diyos, ano naman ang kahanga-hanga roon? Isang mahirap na karpintero ang ama mo, at isang pangkaraniwang maybahay ang iyong ina. Lumaki ka sa piling ng mga pangkaraniwang tao, at may mababang katayuan sa lipunan ang pamilya mo, at wala kang mga espesyal na abilidad. Nakapangaral ka na ba sa isang templo? Kinilala ka ba ng mga eskriba at Pariseo? Anong edukasyon ang natanggap mo? May mataas na antas ng kaalaman ba ang mga magulang mo? Wala ka ng alinman sa mga ito, pero anak ka pa rin ng buhay na diyos. Kung gayon, dahil may mataas akong antas ng kaalaman, at nakikisalamuha ako sa mga tao sa mataas na antas ng lipunan, at napakaintelektuwal, edukado, at may kilalang pinagmulan ang mga magulang ko, hindi ba’t madali para sa akin na maging cristo?” Ano ang ipinapahiwatig niya? “Kung puwedeng maging cristo ang isang taong tulad ni Jesus, hindi ba’t ako, si Pablo, ay mas higit na karapat-dapat na maging cristo, anak ng buhay na diyos, dahil napakahusay ko, karismatiko, matalino, at may mataas akong katayuan sa lipunan? Noong buhay pa si Jesus, nangangaral lang siya, nagbabasa ng mga kasulatan, nagpapalaganap ng daan ng pagsisisi, naglalakad sa iba’t ibang lugar, nagpapagaling ng mga maysakit, nagpapalayas ng mga demonyo, at gumagawa ng maraming tanda at kababalaghan. Iyon lang, hindi ba? Pagkatapos niyon, naging anak siya ng buhay na diyos at umakyat sa langit. Gaano ba kahirap iyon? Ako, si Pablo, ay puno ng kaalaman at may marangal na katayuan at pagkakakilanlan sa lipunan. Kung maglalakad ako sa gitna ng mga tao, tulad ng ginawa ni Jesus, kung mas magiging tanyag ako, makakakuha ng mas maraming tagasunod, at makikinabang ang mas maraming tao, at kung kaya kong tiisin ang mga hirap, magbayad ng halaga, ibaba ang katayuan ko sa lipunan, mangaral ng mas maraming sermon, gumawa ng mas maraming gawain, at makapagkamit ng mas maraming tao, hindi ba’t magbabago ang pagkakakilanlan ko? Hindi ba’t mula sa pagiging anak ng tao ay magiging anak ako ng diyos? Hindi ba’t cristo ang anak ng diyos? Gaano ba kahirap ang maging cristo? Hindi ba’t isang anak ng tao si cristo na isinilang ng tao? Kung naging cristo si Jesus, bakit ako, si Pablo, ay hindi kayang gawin iyon? Napakadali nito! Anuman ang ginawa ni Jesus, gagawin ko rin; anuman ang sinabi niya, sasabihin ko rin; paano man siya lumakad sa gitna ng mga tao, ganoon din ang gagawin ko. Hindi ba’t magkakaroon ako ng pagkakakilanlan at katayuan na katulad ng kay Jesus? Hindi ba’t matutugunan ko ang mga kondisyon para sang-ayunan ng diyos, tulad ng ginawa ni Jesus?” Samakatwid, hindi mahirap makita sa mga sulat ni Pablo ang kanyang pagkaunawa at pananaw sa pagkakakilanlan ni Jesus. Naniwala siya na isang ordinaryong tao ang Panginoong Jesus na, sa pamamagitan ng paggawa at pagbabayad ng halaga, at lalo na pagkatapos na ipako sa krus, nakamit ang pagsang-ayon ng Ama sa langit at naging Anak ng buhay na Diyos—na nagbago kalaunan ang Kanyang pagkakakilanlan. Kaya, sa isipan ng mga taong tulad ni Pablo, hindi nila kailanman kinikilala si Jesus bilang ang laman na isinusuot ng Diyos sa lupa, bilang ang nagkatawang-taong laman ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi nila kailanman kinikilala ang diwa ni Cristo.

Katulad ni Pablo ang mga anticristo sa kasalukuyan. Una, pareho sila ng mga kaisipan, ambisyon, at pamamaraan, pati na rin ang isa pang bagay—ang katangian ng kahangalan. Saan nagmumula ang kahangalan nila? Nagmumula ito sa kanilang mga ambisyon at pagnanais. Kapag tinitingnan ng mga anticristo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kahit saang anggulo, hindi nila nakikita ang diwa ng Diyos kay Cristo. Kahit paano nila tingnan, hindi nila makakamtan ang katotohanan mula rito o mauunawaan ang disposisyon ng Diyos. Kahit paano nila tingnan, palagi nilang iniisip na isang ordinaryong tao si Cristo. Iniisip nila na kung direktang bumaba mula sa langit si cristo para makita ng lahat, hindi siya magiging ordinaryo; iniisip nila na kung wala talagang pinagmulan si cristo at bigla na lang lumitaw sa kalagitnaan ng mga tao, masyado iyong kakaiba at pambihira! Ang mga bagay na hindi maarok ng tao, na pambihira, ay mismong mga bagay na tumutugon sa mga ambisyon, pagnanais, at pagkamausisa ng mga anticristo. Mas gugustuhin nilang sundan ang ganoong cristo kaysa ang isang ordinaryong tao na kayang magpahayag ng katotohanan at magbigay sa kanila ng buhay. Dahil nga ipinanganak ng tao si Cristo, at talagang isang ordinaryong tao—isang normal, praktikal na tao na hindi nakakakuha ng sapat na pansin o hindi nagsasalita sa paraang nagpapayanig ng langit at lupa—kaya kapag inoobserbahan Siya ng mga anticristo nang ilang panahon, iniisip nila na wala nang mas hihigit pa sa lahat ng ginagawa ni Cristo. Pagkatapos ibuod ang ilang pattern, nagsisimula na silang gayahin si Cristo. Ginagaya nila ang Kanyang tono, paraan ng pagsasalita, at intonasyon. Ginagaya pa nga ng iba ang mga partikular na salitang ginagamit Niya, pati na rin ang tunog ng Kanyang paghinga at pag-ubo. Itinatanong ng ilang tao, “Dahil ba sa kamangmangan ang panggagayang ito?” Hindi. Ano ang sanhi nito? Kapag nakikita ng mga anticristo ang isang ordinaryong tao gaya ni Cristo, na nagsasalita lamang ng ilang ordinaryong salita, na may napakaraming tagasunod at napakaraming tao ang nagpapasakop sa Kanya, hindi ba’t may mga kaisipang lumilitaw sa kaibuturan ng puso nila tungkol sa usaping ito? Natutuwa ba sila para sa Diyos, nagiging masaya ba sila para sa Kanya, at pinupuri ba nila Siya, o naiinis, nagagalit, napopoot, naiinggit, at nagseselos ba sila? (Naiinggit at nagseselos.) Iniisip nila, “Paano ka naging diyos? Bakit hindi ako ang diyos? Ilang wika ang kaya mong salitain? Makakagawa ka ba ng mga tanda at kababalaghan? Ano ang maibibigay mo sa mga tao? Anong mga kaloob at talento ang taglay mo? Anong mga abilidad ang mayroon ka? Paano mo napasunod ang napakaraming tao? Kung sapat na ang mga kakayahan mo para makakuha ng ganyan karaming tagasunod, kung gayon, sa mga kakayahan ko, mas marami pa ang susunod sa akin.” Kaya, nais ng mga anticristo na ituon ang kanilang mga pagsisikap dito. Samakatwid, para sa kanila, lubos nilang sinasang-ayunan ang pananaw ni Pablo na kayang maabot ang pangarap na maging cristo.

Kapag sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging tapat na mga tao at tapat na mga nilikha, may partikular na paghamak ang mga anticristo sa mga salitang ito, sinasabi nila, “Mabuti at tama ang lahat ng sinasabi ng diyos, pero mali ang hindi pagpapahintulot sa amin na maging cristo. Bakit hindi puwedeng maging cristo ang mga tao? Hindi ba’t isang tao lamang si cristo na may buhay ng diyos? Kaya, kung tatanggapin namin ang mga salita ng diyos, tatanggapin ang kanyang pagdidilig at pagpapastol, at magtataglay ng buhay ng diyos, hindi ba’t puwede rin kaming maging cristo? Isa kang ordinaryong taong ipinanganak ng mga tao, at ganoon din kami. Sa anong batayan puwede kang maging cristo, pero kami ay hindi? Hindi ba’t naging cristo ka lang sa kalaunan ng buhay mo? Kung magdurusa kami at magbabayad ng halaga, magbabasa pa ng mga salita ng diyos, magtataglay ng buhay ng diyos, magsasalita ng mga salitang katulad ng sinasabi ng diyos, gagawa ng gustong gawin ng diyos, at gagaya sa diyos, hindi ba’t puwede rin kaming maging cristo? Ano naman ang mahirap doon?” Hindi masaya ang mga anticristo na sumunod kay Cristo at maging mga ordinaryong tagasunod ni Cristo, o maging mga nilikha sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha. Itinutulak sila ng kanilang mga pagnanais at ambisyon: “Huwag maging ordinaryong tao. Isang pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan ang pagsunod at pagtalima kay cristo sa bawat pagkakataon. Higit pa sa mga salita ni cristo at mga pangako ng diyos, dapat kang magkaroon ng mas mataas na mga hangarin, tulad ng pagsusumikap na maging anak ng diyos, ang panganay na anak, si cristo mismo, na gagamitin nang husto ng diyos, o maging isang haligi sa kaharian ng diyos. Napakadakila at nakapagbibigay ng inspirasyon ang mga mithiing iyon!” Ano ang palagay mo sa mga ideyang ito? Karapat-dapat bang itaguyod ang mga ito? Dapat bang taglayin ng mga normal na tao ang mga ito? (Hindi.) Dahil mismo may ganitong uri ng pagkaunawa sa pagkakakilanlan at diwa ni Cristo ang mga anticristo, kaya hindi nila sineseryoso ang kanilang mga salita at kilos ng paglaban, paghatol, pagsubok, pagtanggi, at pagkondena kay Cristo. Iniisip nila, “Ano ang nakakatakot sa paghatol sa isang tao? Tao ka lang, hindi ba? Inaamin mong isa kang tao, kaya ano ang mali kung hahatulan, susuriin, o kokondenahin kita? Ano ang mali kung babantayan o pag-aaralan kita? Kalayaan kong gawin ang mga bagay na ito!” Hindi nila ito nakikita bilang paglaban sa Diyos o pagsalungat sa Kanya, na isang napakamapanganib na pananaw. Kaya maraming anticristo ang lumaban kay Cristo sa ganitong paraan sa loob ng 20 o 30 taon, palaging nakikipagkompitensiya sa Kanya sa puso nila. Sasabihin Ko sa iyo ang katotohanan—ang ginagawa mo ay kalayaan mo, pero kung bilang isang tagasunod ng Diyos, tinatrato mo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos nang napakawalang habas, isang bagay ang tiyak: Hindi mo pinapahirapan ang isang tao, lantaran mong nilalabanan at sinasalungat ang Diyos—tinututulan mo ang Diyos. Anumang may kinalaman sa diwa, disposisyon, mga kilos ng Diyos, at lalo na sa nagkatawang-taong laman Diyos, ay may kaugnayan sa mga atas administratibo. Kung tinatrato mo si Cristo nang napakawalang habas, at hinahatulan at kinokondena Siya nang napakawalang habas, sasabihin Ko sa iyo, nakatakda na ang magiging wakas mo. Huwag asahang ililigtas ka ng Diyos. Hindi maililigtas ng Diyos ang isang taong lantaran Siyang nilalabanan at walang habas Siyang tinututulan. Kaaway ng Diyos ang gayong tao, isa siyang Satanas at diyablo, at hindi siya ililigtas ng Diyos. Magmadali ka at pumunta sa kung sinuman sa palagay mo ang makakapagligtas sa iyo. Hindi ka pipigilan ng sambahayan ng Diyos, bukas na bukas ang mga pinto nito. Kung sa palagay mo na si Pablo ang makakapagligtas sa iyo, pumunta ka sa kanya; kung sa palagay mo na isang pastor ang makakapagligtas sa iyo, pumunta ka sa kanya. Pero isang bagay ang tiyak: hindi ka ililigtas ng Diyos. Ang ginagawa mo ay kalayaan mo, pero kung ililigtas ka ng Diyos ay kalayaan Niya, at Siya ang may huling pasya. May ganitong kapangyarihan ba ang Diyos? May ganitong dignidad ba Siya? (Oo.) Namumuhay kasama ng mga tao ang nagkatawang-taong Diyos, nagpapatotoo Siya na si Cristo Siya, na pumarito upang gawin ang gawain ng mga huling araw. Kinikilala ng ilang tao ang diwa ng Diyos at sumusunod sa Kanya nang buong puso, at itinuturing nila Siya at nagpapasakop sa Kanya bilang Diyos. May iba na gustong matigas na labanan Siya hanggang sa huli: “Kahit gaano karaming tao ang naniniwala na si cristo ka, hindi ako maniniwala. Kahit ano pa ang sabihin mo, hindi kita buong-pusong kikilalanin bilang diyos. Kapag nakita ko lang na tunay na nagsalita ang diyos at nagpapatotoo sa iyo, kapag personal na sinabi sa akin ng diyos sa langit nang may malakas na tinig, ‘Ito ang aking nagkatawang-taong laman, ang aking minamahal, ang aking mahal na anak,’ saka ko lang kikilalanin at tatanggapin ka bilang diyos. Kapag personal kong narinig at nakita ang diyos sa langit na nagsasalita at nagpapatotoo sa iyo, saka lang kita tatanggapin; kung hindi, imposible ito!” Hindi ba’t mga anticristo ang mga gayong tao? Kapag dumating na nga ang araw na iyon, kahit na kilalanin pa nila si Cristo bilang Diyos, iyon na ang araw ng kaparusahan nila. Nilabanan nila ang Diyos, tumutol sila sa Kanya, at napopoot sila sa Kanya sa bawat pagkakataon—puwede bang mabura ang mga kilos na ito nang basta ganoon lang? (Hindi.) Kaya, may isang pahayag dito na totoo, na gaganti ang Diyos sa bawat tao ayon sa mga gawa nila. Hindi lang makakaranas ng paghihiganti ang mga taong ito, kundi hindi rin nila kailanman maririnig ang Diyos na personal silang kakausapin. Nararapat ba ito sa kanila? Nais ng Diyos na magpatotoo para sa Kanyang sarili sa mga tao, para magpakita sa mga tao at sa mga tunay na nilikha, ihayag ang Kanyang tunay na pagkatao, at magsalita at magpahayag ng mga salita. Hindi Siya nagpapakita sa mga diyablo, o nagsasalita at nagpapahayag ng mga salita sa kanila. Kaya, hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataon ang mga anticristo na makita ang tunay na persona ng Diyos o marinig ng sarili nilang tainga ang Kanyang mga salita at pahayag. Hindi sila kailanman magkakaroon ng ganitong pagkakataon. Kung gayon, mahihirapan ba sila sa hinaharap? (Oo.) Bakit? Ang mga anticristo, ang mga walang kahihiyang nilalang na ito, ay lumalaban sa Diyos at tumututol sa Kanya sa bawat pagkakataon, at kinamumuhian, kinokondena, at kinukutya nila ang lahat ng Kanyang ginagawa. Kaya, paano sila ituturing ng Diyos? Ituturing ba Niya sila nang mabuti at patatawarin sila? Pagpapalain ba Niya sila? Ibibigay ba Niya sa kanila ang Kanyang pangako? Ililigtas ba Niya sila? Sa praktikal na pananalita, makakatanggap ba ang mga gayong tao ng kaliwanagan at paggabay ng Diyos? Sa buhay na ito, hindi nila matatanggap ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, o ang Kanyang pagkastigo at pagdidisiplina, o ang Kanyang pagtutustos para sa kanilang buhay. Hindi sila maliligtas, at sa paparating na mundo, magbabayad sila ng mabigat na halaga para sa kanilang masasamang gawa, magpakailanman. Ito ang kanilang kalalabasan. Katulad ng kay Pablo ang kalalabasan ng mga anticristo.

B. Kung Paano Itinuturing ng mga Anticristo ang Pagiging Normal at Praktikal ni Cristo

Kanina lang, pinagbahaginan at hinimay natin ang unang pagpapamalas ng mga anticristo na itinatanggi ang diwa ni Cristo, na kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pinagmulan ni Cristo, kung anong mga pananaw at pagkaunawa ang kinikimkim nila, at kung ano ang mga ikinikilos nila. Hinimay natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo para matukoy ang diwa ng mga gayong tao. Tungkol naman sa isa pang aspekto ni Cristo—ang Kanyang pagiging normal at praktikal, anong mga pananaw ang pinanghahawakan ng mga anticristo, anong mga ikinikilos nila, at anong mga disposisyon at diwa ang ipinapakita nila? Susunod, hihimayin natin ang ikalawang pagpapamalas ng mga anticristo na itinatanggi ang diwa ni Cristo, na kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ni Cristo. Pagdating sa pagiging normal at praktikal, may mga partikular na ideya at pagkaunawa ang karamihan sa mga tao. Halimbawa, ang hindi pag-inom ng tubig o hindi pagkain sa loob ng tatlong araw, pero hindi nakakaramdam ng gutom o uhaw, sa katunayan ay mas malakas ang pakiramdam ng katawan at mas masigla pa kaysa dati—maituturing ba itong pagiging normal at praktikal? Nakakaramdam ng pagod ang mga normal na tao pagkatapos maglakad ng apat o limang kilometro; kung hindi nakakaramdam ng pagod si Cristo kahit pagkatapos Niyang maglakad ng 40 kilometro, at hindi sumasakit ang Kanyang mga paa, at pakiramdam pa Niya ay mas magaan Siya kaysa sa hangin, at mas masigla ang pakiramdam Niya, maituturing ba ito na pagiging normal at praktikal? Kung hindi sinisipon si Cristo kahit na malamig ang panahon, at hindi nagkakasakit sa anumang sitwasyon, kung makakapaglabas ng liwanag ang Kanyang mga mata na mas malakas nang ilang dosenang beses kaysa sa anumang malakas na ilaw na nasisilayan ng Kanyang mga mata, at hindi napapagod o hindi nanlalabo ang Kanyang paningin kahit gaano katagal Siyang nakatingin sa computer, kung hindi Siya nasisilaw kahit gaano katagal Niyang tinititigan ang araw, at hindi Niya kailangan ng plaslayt kapag naglalakad sa gabi, samantalang kailangan ito ng iba, at lalong lumilinaw ang Kanyang mga mata habang lumilipas ang maghapon—maituturing ba ang mga ito na pagiging normal at praktikal? Hindi, karaniwang kaalaman ito na madalas nakakaharap ng mga tao. Ang pagiging normal at praktikal ay nangangahulugan ng pagkaramdam ng uhaw pagkatapos hindi uminom ng tubig nang matagal, pagkaramdam ng pagod pagkatapos magsalita nang matagal, pagkaramdam ng pananakit ng paa pagkatapos maglakad nang matagal, at pagkaramdam ng lungkot at pagluha kapag nakarinig ng malungkot at nakakadurog ng puso na balita—pagiging normal at praktikal ito. Kaya, ano mismo ang tumpak na kahulugan ng pagiging normal at praktikal? Ang mga bagay na umaayon sa mga normal na pangangailangan at likas na gawi ng laman, at hindi lumalampas sa saklaw na ito, ang kahulugan ng pagiging normal at praktikal. Ang mga umaayon sa mga kakayahan at saklaw ng normal na pagkatao, ang pagiging makatwiran ng normal na pagkatao, at ang mga emosyon ng normal na pagkatao, tulad ng kaligayahan, galit, kalungkutan, at saya, ay sakop ng pagiging normal at praktikal. Si Cristo ang laman na isinusuot ng Diyos sa lupa; Siya, tulad ng sinumang normal na tao, ay may normal na pananalita at pag-uugali, isang normal na gawi ng pamumuhay at iskedyul. Kung hindi Siya matutulog sa loob ng tatlong araw at gabi, makakaramdam Siya ng antok at gusto Niyang matulog kahit na nakatayo; kung hindi Siya kakain maghapon, makakaramdam Siya ng gutom; at kung maglalakad Siya nang matagal, mapapagod Siya at gugustuhin Niyang magpahinga agad. Halimbawa, napapagod din Ako pagkatapos makipagtipon at makipagbahaginan sa inyo nang tatlo o apat na oras, at kailangan Ko ring magpahinga. Ito ang pagiging normal at praktikal ng laman, ganap na naaayon ito sa mga katangian ng laman at sa iba’t ibang pagpapamalas at likas na gawi ng normal na pagkatao, hinding-hindi ito mahiwaga. Samakatwid, maraming pagpapamalas at pagbubunyag ng pagkatao, ang gayong laman, at ang panlabas na pamumuhay at pang-araw-araw na gawain ng pagkatao ng laman na ito ay walang pagkakaiba sa ipinapamalas at ibinubunyag ng bawat ordinaryo, normal na tao, magkaparehong-magkapareho ang mga ito. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at nagtataglay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ng parehong katangian at normal, praktikal na mga likas na gawi sa buhay na katulad ng sa sangkatauhan, hindi talaga Siya mahiwaga. Hindi kayang tumagos sa mga pader o saradong pinto ang mga tao, at ganoon din ang nagkatawang-taong Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ikaw ang nagkatawang-taong diyos? Hindi ba’t ikaw si cristo? Hindi ba’t nagtataglay ka ng diwa ng diyos? Puwede ka ba talagang hadlangan ng isang nakakandadong pinto? Dapat kaya mong tumagos sa mga saradong pinto. Nakakaramdam ng pagod ang mga tao pagkatapos maglakad ng limang kilometro, pero hindi ka dapat mapagod kahit na maglakad ka ng 40 kilometro; kumakain ang mga tao nang tatlong beses sa isang araw, pero dapat kaya mong hindi kumain ng 30 araw, kakain ka lang kapag gusto mo, at hindi ka kakain kapag ayaw mo, at kaya mo pa ring mangaral sa mga pagtitipon, at mamuhay nang mas masigla kaysa sa iba. Bahagi ng buhay ng tao ang pagkakasakit, pero hindi ka dapat magkasakit. Dahil ikaw si cristo, dapat may bahagi ka na naiiba sa mga ordinaryong tao, saka ka lang magiging karapat-dapat na tawaging cristo, tanging ito ang magpapatunay na nagtataglay ka ng diwa ng diyos.” Tama ba ito? (Hindi.) Bakit mali ito? Mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang mga ito, hindi ang katotohanan.

Normal at praktikal ang nagkatawang-taong laman ng Diyos—lahat ng aktibidad na isinasagawa ng Kanyang normal na pagkatao, at ang Kanyang pang-araw-araw na buhay, pananalita, at kilos, ay pawang realidad ng mga positibong bagay. Mula sa simula nang likhain ng Diyos ang mga tao, pinagkalooban Niya sila ng mga normal, praktikal na likas na gawi; kaya hindi kailanman lalabag sa mga batas na ito ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Ito ang dahilan at batayan kung bakit mga positibong bagay ang pagiging normal at praktikal ni Cristo. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ginawa ang lahat ng kanilang pagpapamalas at likas na gawi nang ayon sa Kanyang kagustuhan. Ibinigay ng Diyos sa tao ang mga likas na gawing ito, at ito ang mga batas ng pang-araw-araw na buhay ng tao—ipapalabag ba ng Diyos sa Kanyang nagkatawang-taong laman ang mga batas na ito ng pagiging normal at praktikal? Malinaw na hindi. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at ang diwa ng nagkatawang-taong laman ay ang Diyos din—nagmula Sila sa iisang pinagmulan, kaya magkapareho rin ang mga prinsipyo at layon ng Kanilang mga kilos. Dahil sa mga pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ni Cristo, natural Siyang nagmumukhang isang lubos na ordinaryong tao sa mata ng masa. Sa maraming bagay, tila wala Siyang mga ng pag-alam at pagkaunawa sa hinaharap na iniisip ng mga tao na taglay Niya, at hindi Niya kayang magpalaho o magpalitaw ng mga bagay, gaya ng iniisip ng mga tao, at lalong hindi Niya kayang higitan ang mga ordinaryong tao, lagpasan ang mga kakayahan at likas na gawi ng laman, o lagpasan ang normal na pag-iisip ng mga tao para gawin ang ilang bagay na walang sinumang tao ang makakagawa, tulad ng iniisip ng mga tao. Salungat sa mga imahinasyong ito, sa paningin ng tao, hindi nagbunyag o nagpamalas ang ordinaryong tao na ito ng anumang bakas ng Diyos mula sa simula ng Kanyang gawain hanggang sa kasalukuyan. Sa paningin ng tao, maliban sa Kanyang pananalita at paggawa, walang bakas ng Diyos o mga pagbubunyag ng pagkakakilanlan at diwa ng Diyos ang puwedeng makita sa alinman sa Kanyang mga normal na aktibidad ng tao. Paano man Siya tingnan ng mga tao, palagi Siyang nagmumukhang isang ordinaryong tao sa kanila. Bakit? Simple ang dahilan: Tama ang nakikita ng tao; ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay tunay na isang normal at praktikal na tao, isang normal, praktikal na laman. Nakakaranas ang gayong panlabas na normal at praktikal na laman ng pang-uusig at pagtugis ng malaking pulang dragon tulad ng ibang tao, nang walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, o anumang lugar para makapagpahinga. Dito, wala Siyang pagkakaiba sa ibang tao, at hindi Siya eksepsiyon. Habang nararanasan ang gayong pang-uusig, nagtatago rin Siya kung saan Siya makakapagtago; hindi Niya kayang gawing di-nakikita ang Kanyang sarili o magtago sa ilalim ng lupa, wala Siyang mga mahiwagang kapangyarihan para maiwasan ang mga panganib na ito. Ang tanging magagawa Niya ay kumuha ng impormasyon tungkol sa mga ito nang maaga, at pagkatapos ay magmadaling tumakas. Kapag nahaharap sa mga mapanganib na sitwasyon, kinakabahan at natatakot ang mga tao, sa palagay mo ba natatakot si Cristo? Sa palagay mo ba kinakabahan Siya? (Oo.) Tama ka; paano ninyo nalaman? (Kakabahan ang sinumang normal na tao sa sitwasyong iyon.) Tama iyan. Napakaganda ng paliwanag mo. Tunay mong nauunawaan ang pagiging normal at praktikal, ganap mo itong naunawaan. Kakabahan at matatakot din si Cristo sa mga ganitong sitwasyon, pero magpapakita ba Siya ng karuwagan? Matatakot ba Siya sa naghaharing partido? Makikipagkompromiso ba Siya rito? Hindi. Kakabahan at matatakot lang siya, at nanaisin Niyang mabilis na makatakas mula sa pugad ng mga demonyong ito. Mga pagpapamalas ang lahat ng ito ng pagiging normal at praktikal ni Cristo. Siyempre, may ilan pang mga pagpapamalas ng pagiging normal at praktikal ni Cristo, tulad ng pagiging makakalimutin minsan, pagkalimot sa pangalan ng mga tao matapos silang hindi makita nang matagal, at iba pa. Ang pagiging normal at praktikal ay simpleng mga katangian, likas na gawi, tanda, at palatandaan ng isang normal, ordinaryong tao. Dahil mismo si Cristo ay may normal, praktikal na pagkatao, mga likas na gawi sa kaligtasan, at lahat ng katangian ng laman na kaya Niyang magsalita at gumawa nang normal, makipag-ugnayan sa mga tao nang normal, pamunuan ang mga tao sa isang normal at praktikal na paraan, at gabayan at tulungan ang mga tao sa pagtupad ng mga tungkulin nila sa isang normal at praktikal na paraan. Dahil mismo sa pagiging normal at praktikal ni Cristo kaya lahat ng nilikhang tao ay higit na nakakaramdam ng pagiging praktikal ng gawain ng Diyos, nakikinabang mula sa gawaing ito, at nakakatanggap ng mas maraming kongkreto at kapaki-pakinabang na mga nakakamit mula rito. Mga tanda ng normal na pagkatao ang pagiging normal at praktikal ni Cristo, kinakailangan ang mga ito para ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay makasangkot sa lahat ng normal na gawain, aktibidad, at buhay ng tao, at higit pa rito, mga bagay ito na kailangan ng lahat ng sumusunod sa Diyos. Gayumpaman, hindi nauunawaan ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ni Cristo sa ganitong paraan. Naniniwala ang mga anticristo na isang ordinaryong tao lang si Cristo dahil normal at praktikal Siya, at masyadong katulad ng tao—na nangangahulugang hindi Siya karapat-dapat tawaging anak ng diyos, ang pagpapamalas ng diyos sa mga tao, o si cristo, dahil masyado Siyang normal at praktikal, praktikal hanggang sa puntong hindi nakikita ng mga tao ang anumang bakas o diwa ng diyos sa Kanya. Sinasabi ng mga anticristo, “Makakapagligtas ba ng tao ang gayong diyos? Karapat-dapat ba ang gayong diyos na matawag na cristo? Masyadong hindi katulad ng diyos ang diyos na ito! Wala siya ng ilang elemento ng kuru-kuro ng tao sa diyos: una, ang pagiging mahiwaga, pambihira, at misteryoso; ikalawa, ang pagkakaroon ng mga mahiwagang kapangyarihan, at kakayahang magpakita ng makapangyarihang lakas; ikatlo, isang hitsura na katulad ng sa diyos, na may taglay na pagkakakilanlan, dignidad, at diwa ng diyos, at iba pa. Kung wala sa mga elementong ito ang makikita sa kanya, paano siya magiging diyos? Ang kanyang pagsasalita ba ng ilang salita at paggawa ng kaunting gawain ay nangangahulugang diyos siya? Kung gayon, napakadali namang maging diyos, hindi ba? Paano magiging diyos ang isang ordinaryo, normal na laman?” Isang bagay ito na hindi kailanman matatanggap ng mga anticristo.

Habang nakakaranas ng pang-uusig ng malaking pulang dragon sa mainland Tsina, Ako, kasama ang ilang kapatid, ay madalas na kailangang magtago saanman kami magpunta, walang anumang personal na kalayaan. Minsan, kapag nakarinig kami ng balita ng panganib, kailangan naming tumakbo nang mabilis. Sa mga ganitong kalagayan, walang nanghina sa mga kasama Ko. Ano ang dahilan nito? Hangal ba sila? Mapurol ba ang utak nila? Hindi, ito ay dahil matatag nilang nakilala ang diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi lang sila walang kuru-kuro o pagkondena sa pagiging normal at praktikal ni Cristo, kundi nagpapakita rin sila ng konsiderasyon at pag-unawa sa mga katangiang ito, at naarok nila ang mga ito sa tamang paraan. Anuman ang paghihirap na tiniis ni Cristo, tiniis nila ito kasama Niya, at kahit anong pang-uusig at pagtugis ang naranasan ni Cristo, patuloy pa rin silang sumusunod sa Kanya nang walang reklamo, hindi kailanman nanghina dahil sa mga kalagayang ito. Noong nagpunta lang Ako sa ilang lugar, na may ilang indibidwal na—alam na tumakas Ako nang madalian para maiwasan ang mga mapanganib na kapaligiran, at na maaaring wala Akong mapuntahan, o wala nang tatanggap sa Akin—iniisip na: “Hmph! Sinasabi mong ikaw si cristo, ang nagkatawang-taong laman ng diyos, pero tingnan mo ang kaawa-awa mong kalagayan ngayon. Paano ka naging karapat-dapat na maging cristo? Sa anong paraan ka mukhang diyos? Iniisip mong makapagliligtas ka ng iba? Dapat magmadali ka munang iligtas ang sarili mo! Magdadala ba ng mga pagpapala ang pagsunod sa iyo? Mukhang imposible iyon! Kung makakapagligtas ng iba ang mga salita mo, bakit hindi ka mailigtas ng mga ito? Tingnan mo nga ang sarili mo ngayon, wala ka man lang lugar na mapagpapahingahan ng ulo mo, at kailangan mo pang humingi ng tulong sa aming mga tao, sa mga makapangyarihang tao. Kung diyos ka, hindi ka dapat maging masyadong kahabag-habag. Kung ikaw ang nagkatawang-taong laman ng diyos, hindi ka dapat mawalan ng tahanan!” Kaya hindi kailanman maunawaan ng mga taong ito ang usaping ito. Kung makikita nila isang araw na ipinapalaganap sa ibang bansa ang ebanghelyo ng kaharian, na maraming tao sa iba’t ibang bansa ang tumatanggap nito, at makikita nila na bumagsak na ang malaking pulang dragon, na naglalakad na nang may kumpiyansa ang mga tagasunod ng Diyos, at hindi na inuusig, at namumuno at gumagamit ang mga ito ng kapangyarihan nang walang sinumang nangangahas na apihin ang mga ito, tiyak na ganap nilang babaguhin ang tipikal nilang saloobin, at hindi na sila magkikimkim ng anumang kuru-kuro tungkol sa paghahari ng Diyos sa laman. Bakit magkakaroon ng biglaang pagbabago? Umaasa lang ang mga indibidwal na ito sa kung ano ang nakikita ng mga mata nila; hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na Siya ang makapangyarihan sa lahat, o na magaganap ang lahat ng Kanyang sinasabi. Naniniwala ba sa Diyos ang mga gayong tao? Ano ang pinaniniwalaan nila? (Kapangyarihan.) May kapangyarihan ba si Cristo? Sa tiwaling sangkatauhan, walang kapangyarihan si Cristo. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t may awtoridad ang diyos? Kung diyos ang diwa ni cristo, bakit wala siyang taglay na awtoridad ng diyos? Mas higit ang awtoridad kaysa sa kapangyarihan, kaya hindi ba’t dapat mayroon din siyang kapangyarihan?” Ano ang pakay ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang tungkulin ng Diyos na nagkatawang-tao? Ito ba ay para magpakitang-gilas ng kapangyarihan? (Hindi.) Samakatwid, tulad ng isang normal na tao, nararanasan Niya ang pagtanggi, pang-iinsulto, paninirang-puri, at poot mula sa mundong ito—dapat tiisin ni Cristo ang lahat ng ito, hindi Siya ligtas sa mga ito.

Ang mga tunay na naghahangad sa katotohanan ay hindi lamang walang kuru-kuro tungkol sa pagiging normal at praktikal ni Cristo—sa kabaligtaran, mas nakikita pa nila ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa mga katangiang ito, at mas nauunawaan nila ang tunay na diwa ng Diyos at ang tunay na diwa ng Lumikha sa pamamagitan ng mga ito. Nagiging mas malalim, mas praktikal, mas tunay, at mas tumpak ang pag-unawa nila sa Diyos. Sa kabaligtaran, madalas na ayaw ng mga anticristo na sundan ang ganitong Cristo dahil sa lahat ng Kanyang pagiging normal at praktikal, iniisip nila na wala Siyang mga mahiwagang abilidad at hindi Siya namumukod-tangi sa mga ordinaryong tao, at higit pa rito, nakakaranas Siya ng mga kalagayan ng pamumuhay na katulad ng sa sangkatauhan. Ang mga anticristo ay hindi lamang hindi kayang tanggapin ito nang maluwag sa kalooban, at hindi nakakaunawa ng disposisyon ng Diyos mula rito, kinokondena rin nila ito at nagbabantay sila laban dito, at higit pa rito ay nag-aakusa sila tungkol dito. Halimbawa, kapag may isang tao na gumawa ng isang bagay na labag sa mga prinsipyo, kung hindi Ako magtatanong tungkol dito at walang nagsasabi sa Akin tungkol dito, hindi Ko ito malalaman—hindi ba’t isa itong pagpapamalas na nasa saklaw ng pagiging normal at praktikal? (Oo.) Ipapaliwanag sa Akin nang malinaw at detalyado ng mga taong may tamang pag-unawa at normal na pagkatao ang usaping ito, at pagkatapos ay hahayaan nila Akong pangasiwaan ang mga ito nang ayon sa nakikita Kong nararapat. Kabaligtaran ang ginagawa ng mga anticristo; pinagmamasdan nila Ako gamit ang kanilang mga mata, at sinusubok nila Ako sa pamamagitan ng pag-uusisa sa Akin. Pagkatapos, iniisip nila, “Dahil hindi mo alam ang tungkol sa usaping ito, madali tuloy itong pangasiwaan—may plano ako para pangasiwaan ka sakaling alam mo ang tungkol dito, at may isa pa akong plano para pangasiwaan ka sakaling hindi mo alam; para sa isang malaking isyu, pagmumukhain ko itong maliit na isyu, at pagkatapos ay pagmumukhain ko itong ganap na walang halaga, para tuluyan kang walang malalaman, at hahayaan kong lumipas na lang ang usaping ito—dahil hindi mo alam ang isyung ito, hindi mo na kailangan o kinakailangang malaman ito sa hinaharap. Ako na ang bahala rito. Kapag nalaman mo ito balang araw, nangyari na ito ayon sa plano ko, at ano ang magagawa mo sa akin sa oras na iyon?” Aling mga tao ang tumuturing kay Cristo sa ganitong paraan? Mabubuting tao ba sila? Mga tao ba silang naghahangad sa katotohanan? May taglay ba silang pagkatao at integridad? (Wala.) May ilang lider na gumawa ng ilang bagay; itinaas nila ang ranggo ng mga indibidwal sa iglesia nang arbitraryo, nilustay nila ang mga handog, at bumili nang labis-labis at nang walang ingat, at kahit gaano kalaki ang perang nagastos, o kahit anong mahahalagang isyu ang lumitaw, wala silang sinabing ni isang salita tungkol dito. Pumunta Ako roon nang maraming beses, at hindi nila Ako kinonsulta o tinanong tungkol sa mga bagay na ito kailanman, sila-sila na lang ang nagdesisyon; hindi rin nila Ako hinayaang magsagawa ng anumang pagsusuri, at kinailangan Kong usisain ang impormasyon sa kanila. Itinuring nila Ako na parang isang tagalabas: “Dahil narito ka, mag-uulat na lang kami at sasabihin sa iyo ang tungkol sa mga nakikita mo sa harap mo. Tungkol naman sa mga bagay na ginawa namin habang nakatalikod ka, mas mabuting huwag mo nang subukang alamin ang alinman sa mga iyon. Hindi ka namin papayagang makialam o magtanong.” Kahit ilang beses Akong bumisita, hindi nila Ako kailanman hinayaang magtanong. Dahil sa takot na magsimula Akong magtanong, sinadya nilang itago ang katotohanan sa pamamagitan ng mga huwad na salitang magandang pakinggan, nagsasagawa sila ng panlalansi. Nagsabwatan sila, nagkasundo, at nagpalitan ng makahulugang tingin sa isa’t isa; nanatili silang nagkakaisa, at hindi nila iniulat ang mga problema ng bawat isa, pinoprotektahan nila ang isa’t isa. Nang nalaman Ko ang mga bagay na ginagawa nila kapag nakatalikod Ako at ginusto Ko silang papanagutin, patuloy nilang pinrotektahan ang isa’t isa, hindi sinasabi kung sino ang may pananagutan, nagpapanggap na walang alam, at ang labo nilang kausap. Anong pagkakamali ang nagawa nila? Inisip nila, “Bukod sa kanyang normal, simpleng pag-iisip, at ordinaryo, normal na pagkatao, si cristo—ang ordinaryong tao na ito—ay walang anumang bagay na maipagmamalaki, at wala siyang mga mahiwagang kapangyarihan. Kung gayon, puwede kaming gumawa ng ilang maliit na hakbang habang nakatalikod ka, at panatag naming gagawin ang sarili naming mga gawain. Kontrolado namin ang pera ng iglesia, kaya bibilhin namin ang kahit anong gusto namin. Hindi na namin kailangang humingi ng pahintulot kapag kailangan ng pirma, puwede naming pirmahan na lang nang arbitraryo ang mga pagbili, nang hindi na ito kailangan pang suriin, at puwede kaming gumastos ng pera nang basta-basta. Hindi ba’t diyos si cristo? Kaya mo bang kontrolin ang mga bagay na ito? Gagawin namin ang gusto namin; bukod sa mga oras na nariyan ka, sakop na namin ang natitirang panahon!” Paano nila itinuring ang pagiging normal at praktikal ni Cristo? Hindi ba’t itinuring nila Siya bilang isang taong madaling apihin? Inisip nila, “Hangga’t may normal kang pagkatao, hindi kami natatakot na apihin ka. Kung wala kang mahiwagang pagkatao, hindi kami natatakot sa iyo.” Anong klaseng mga tao sila? Kung huhusgahan batay sa pagkatao nila, maikokonsidera ba silang mabubuting tao? Maikokonsidera ba na mga tao silang may moralidad at pagkatao? Maikokonsidera ba silang mga tao na may marangal na integridad? Ano ba talaga sila? Hindi ba’t isang grupo sila ng mga imoral? Sino ang kinakatawan ng mga taong ito noong gumawa sila sa sambahayan ng Diyos? Hindi man lang nila kinatawan ang tao, kundi kinatawan nila si Satanas. Gumawa sila ng mga bagay para kay Satanas, mga alipores at kasabwat sila nito; narito sila para guluhin at sirain ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila ginagampanan ang tungkulin nila kundi gumagawa sila ng kasamaan. Paano naiiba ang grupong ito ng mga kasabwat ni Satanas sa malaking pulang dragon na dumadakip, umuusig, at umaabuso sa mga hinirang na tao ng Diyos? Nakikita ng malaking pulang dragon na isang ordinaryong tao lang ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na hindi talaga Siya nakakatakot, kaya arbitraryo nitong tinatangkang dakpin Siya, at kapag nadakip na Siya nito, susubukan nitong patayin Siya. Hindi ba’t ganito rin ang pagturing ng mga kasabwat ni Satanas na ito, ng mga anticristong ito, kay Cristo? Hindi ba’t pareho ang diwa nila? (Oo.) Ano ang turing nila kay Cristo sa kanilang pananalig? Nanalig ba sila sa Kanya bilang Diyos o bilang isang tao? Kung itinuring nila si Cristo bilang Diyos, ituturing ba nila Siya sa ganitong paraan? (Hindi.) May isang paliwanag lang: Nakita nila si Cristo bilang isang tao, bilang isang tao na puwede nilang husgahan, lansihin, paglaruan, hamakin, at tratuhin ayon sa nais nila; ibig sabihin ay napakalakas ng loob nila. Kung ikakategorya natin ang mga gayong mapangahas na tao, puwede ba silang isama sa kategorya at grupo ng mga nilikha, ng mga hinirang na tao ng Diyos, ng mga tagasunod Niya, ng mga tao na puwede Niyang gawing perpekto, at mga tao na puwede Niyang iligtas? (Hindi.) Saan dapat ilagay ang mga gayong basura? Sa kampo ni Satanas. Kinaklasipika bilang mga anticristo ang mga tao sa grupong ito. Itinuring nila si Cristo bilang isang ordinaryong tao, at kumilos sila nang walang pakundangan at walang ingat at naghari-harian sila sa loob ng saklaw ng kanilang impluwensiya, iniisip nila, “Ano man ang isyu, hangga’t hindi ako naghahanap mula sa iyo o ipinaalam ito sa iyo, wala kang karapatang makialam, at hindi mo ito malalaman kailanman.” Sabihin mo sa Akin, may karapatan ba si Cristo na pangasiwaan sila? (Oo.) Ano ang angkop na paraan para gawin ito? (Patalsikin sila sa iglesia.) Ganito dapat pangasiwaan ang mga anticristo at mga Satanas; hindi dapat maging maluwag sa kanila. Kapag nananalig sa Diyos ang ganitong mga tao, anuman ang gawin ng Diyos, kung paano man Niya tinutustusan ng katotohanan ang mga tao, o anumang gawain ang ginagawa Niya, hindi nila ito pinapansin. Kung wala silang kapangyarihan, nag-iisip sila ng mga paraan para makuha ito, at kapag nasa kapangyarihan na sila, gusto nilang pumantay kay Cristo, para makihati sa Kanya sa mundo, upang makipagkompetensiya para makita kung sino ang nakatataas at para makipag-agawan ng katayuan sa Kanya. Sa loob ng saklaw ng impluwensiya nila, gusto nilang hamunin si Cristo, sinasabi nila, “Gusto kong makita kung kaninong salita ang mas matimbang, iyong sa iyo ba o sa akin. Teritoryo ko ang iglesiang ito; gagastusin ko ang pera ng iglesia ayon sa gusto ko, bibilhin ko ang kahit anong gustuhin ko, at pangangasiwaan ko ang mga usapin ayon sa kagustuhan ko. Ang sinumang sabihin kong walang kuwenta ay walang kuwenta. Gagamitin ko ang sinumang nais ko, at walang sinuman ang puwedeng gumalaw sa mga taong pinili kong gamitin. Kung may gagalaw sa kanila, hindi ko iyon kailanman palalampasin—kahit na sabihin ng diyos na gusto niya, hindi ko ito papayagan!” Hindi ba’t paghahangad ito ng kamatayan?

Kung mas nauunawaan ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at nagkakamit sila ng mas malinaw at mas tumpak na pag-unawa sa pagiging praktikal at sa diwa ng Diyos sa pamamagitan ng normal at praktikal na pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, mga tao silang naghahangad sa katotohanan at may pagkatao. Gayumpaman, hindi itinuturing ng ilang tao si Cristo bilang Diyos dahil sa Kanyang normal at praktikal na aspekto. Kumikilos sila nang mas walang galang at mas mapangahas sa harap Niya, nagiging mas mapusok ang kilos nila, at mas ninanais nilang malampasan si Cristo at makontrol ang mga hinirang na tao ng Diyos. Pakiramdam nila na mayroon silang kapital para hamakin at makipagkompitensiya kay Cristo, at na may ebidensiya sila para ituring si Cristo bilang isang tao. Iniisip nila na pagkatapos nilang makuha ang ebidensiyang ito, hindi na sila kailangang matakot kay Cristo, at na malaya na silang punahin Siya, makipag-usap at makipagtawanan sa Kanya nang kaswal at ipantay ang sarili nila sa Kanya, at talakayin ang kanilang mga personal na usapin at alalahanin sa Kanya. Sinasabi pa ng ilan, “Ibinahagi ko sa iyo ang aking mga panloob na kaisipan, kahinaan, at mga tiwaling disposisyon, kaya sabihin mo naman sa akin ang kalagayan mo. Ikinuwento ko sa iyo ang mga karanasan ko bago at pagkatapos kong manalig sa diyos, at sinabi ko sa iyo kung paano ko tinanggap ang gawain ng diyos, kaya ibahagi mo naman sa akin ang mga karanasan mo.” Ano ang sinusubukan nilang gawin? Hindi ba nila nakikita ang Diyos na nagkatawang-tao bilang masyadong ordinaryo at normal, at gusto nila Siyang gawing miyembro ng pamilya nila, isang kabarkada, isang kaibigan, o isang kapitbahay? Gaano man kanormal at kapraktikal si Cristo, hindi kailanman magbabago ang Kanyang diwa. Anuman ang Kanyang edad, kung saan Siya ipinanganak, o kung paano ihahambing ang Kanyang mga kwalipikasyon at karanasan sa iyo, kung mukha man Siyang mataas o mababa para sa iyo, huwag kailanman kalilimutan na palagi Siyang iba sa iyo. Bakit ganito? Diyos Siya na nabubuhay sa isang panlabas na normal at praktikal na laman; ang Kanyang diwa ay walang hanggang naiiba sa iyo; ang Kanyang diwa ay sa Diyos na kataas-taasang laging higit sa lahat ng sangkatauhan magpakailanman. Huwag mong kakalimutan ito. Sa panlabas, mukha Siyang isang ordinaryo at normal na tao, tinatawag Siyang Cristo, at may pagkakakilanlan Siya bilang Cristo, pero kung ituturing mo Siyang isang tao sa pananalig mo, at titingnan Siya bilang isang ordinaryong tao, bilang isang miyembro ng tiwaling sangkatauhan, nasa panganib ka. Hindi kailanman nagbabago ang pagkakakilanlan at diwa ni Cristo, ang Kanyang diwa ay ang diwa ng Diyos, at ang Kanyang pagkakakilanlan ay palaging ang pagkakakilanlan ng Diyos. Ang katunayang namumuhay Siya sa isang normal, praktikal na laman, ay hindi nangangahulugang miyembro Siya ng tiwaling sangkatauhan, hindi rin ito nangangahulugan na puwede Siyang manipulahin o kontrolin ng tao, o na puwede silang maging kapantay Niya o makipag-agawan sa Kanya para sa kapangyarihan. Hangga’t tinitingnan ng mga tao si Cristo bilang tao, at sinusukat Siya gamit ang mga pamamaraan at perspektiba ng tao, at sinusubukan Siyang gawing kaibigan, kapantay, katrabaho, o nakatataas na opisyal, inilalagay nila ang sarili nila sa isang mapanganib na posisyon. Bakit ito mapanganib? Kung nakikita mo si Cristo bilang isang ordinaryo, normal na tao, magsisimula nang lumabas ang mga tiwaling disposisyon mo. Mula sa sandaling ituring mo si Cristo bilang tao, magsisimula nang malantad ang masasama mong gawa. Hindi ba’t ito ang mapanganib na bahagi? Hangga’t tinitingnan ng mga tao si Cristo bilang tao, at iniisip na normal at praktikal Siya, na madali Siyang lansihin, at katulad lang Siya ng sangkatauhan, hindi sila natatakot sa Diyos, at sa panahong ito ay nagbabago ang ugnayan nila sa Diyos. Ano ang nangyayari sa ugnayang ito? Ang kanilang ugnayan ay hindi na ugnayan ng isang nilikhang tao at ng Lumikha, hindi na ito ugnayan ng isang tagasunod at ni Cristo, at hindi na rin ito ugnayan ng isang pakay ng pagliligtas at ng Diyos, sa halip nagiging ugnayan ito ni Satanas at ng May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat. Sumasalungat ang mga tao sa Diyos, at nagiging mga kaaway Niya. Kapag tinitingnan mo si Cristo bilang isang tao, binabago mo rin ang pagkakakilanlan mo sa harap ng Diyos, at ang halaga mo sa Kanyang mga mata; ganap mong winawasak ang iyong mga inaasam at kapalaran dahil sa pagpapalayaw mo sa sarili, paghihimagsik, kabuktutan, at kayabangan. Kikilalanin, gagabayan, at pagkakalooban ka lamang ng Diyos ng buhay at ng pagkakataong makamit ang kaligtasan, kung isa kang nilikha, isang tagasunod ni Cristo, at isang taong tinanggap ang kaligtasan ng Diyos. Kung hindi, magbabago ang ugnayan mo sa Diyos. Kapag itinuturing ng mga tao ang Diyos, si Cristo, bilang isang tao, hindi ba’t nagpapatawa sila? Kadalasan, hindi ito nakikita ng mga tao bilang isang problema; iniisip nila, “Sinabi ni cristo na isa siyang ordinaryo at normal na tao, kaya ano ang mali sa pagtrato sa kanya bilang isang tao?” Sa totoo lang, walang mali rito, pero may seryosong kahihinatnan ito. Maraming pakinabang para sa iyo ang pagturing kay Cristo bilang isang tao. Sa isang banda, pinapataas nito ang katayuan mo, sa isa pang aspekto, pinapalapit nito ang distansiya sa pagitan mo at ng Diyos, at bukod pa rito, hindi ka magiging masyadong mahiyain sa presensiya ng Diyos, maluwag at malaya ang pakiramdam mo. Magkakaroon ka ng iyong mga karapatang pantao, kalayaan, at isang pakiramdam ng kahalagahan ng pag-iral mo, at mararamdaman mo ang iyong sariling presensiya—hindi ba’t maganda iyon? Walang mali sa pagturing sa isang tunay na tao sa ganitong paraan, ipinapakita nito na may dangal at integridad ka. Hindi dapat madaling yumukod ang isang tao; hindi sila dapat madaling lumuhod, sumuko, o tumanggap ng pagiging mababa nila sa sinumang tao—hindi ba’t ito ang mga batas ng kaligtasan ng tao at ang mga alituntunin ng laro ng tao? Maraming tao ang inilalapat ang mga batas at alituntuning ito sa pakikisalamuha nila kay Cristo. Problema ito at malamang na masalungat nito ang disposisyon ng Diyos. Ito ay dahil pare-pareho ang kalikasang diwa ng lahat ng miyembro ng sangkatauhan, anuman ang lahi nila. Tanging si Cristo ang naiiba sa sangkatauhan. Bagaman may anyo si Cristo ng pagiging normal at praktikal, at nagtataglay ng mga pamumuhay at gawi ng normal, praktikal na pagkatao, hindi katulad ng sa sinumang tiwaling tao ang Kanyang diwa. Dahil mismo rito kaya kwalipikado Siyang igiit sa Kanyang mga tagasunod na ituring Siya sa paraang hinihingi Niya. Maliban kay Cristo, wala nang iba pang tao ang kwalipikado na gumamit ng mga pamamaraan at pamantayang ito para magtakda ng mga hinihingi sa mga tao. Bakit? Dahil ang Diyos mismo ang diwa ni Cristo, at dahil si Cristo, ang ordinaryo, normal na taong ito, ay isang normal na laman na suot ng Diyos, at ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa gitna ng mga tao. Batay lang dito, mali ang pagtingin kay Cristo bilang isang tao, mas lalong mali ang pagturing sa Kanya na parang tao, at mas malubha pa ang panlalansi, paglalaro, at pakikipaglaban sa Kanya na parang isa Siyang tao. Ang mga anticristo, itong pangkat ng masasamang indibidwal na nasusuklam sa katotohanan, ay nananatiling walang kamalayan sa napakahalagang problema at malinaw na pagkakamaling ito. Bakit ganito? Dahil ang kalikasang diwa nila ay ang diwa ng isang anticristo. Nakikipaglaban sila sa Diyos sa espirituwal na mundo, nakikipag-agawan sa Kanya para sa katayuan, hindi Siya kailanman kinikilala o itinuturing bilang Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, inuulit nila ang ganitong pag-uugali, itinuturing si Cristo sa parehong paraan. Itinuring ng ninuno nila ang Diyos sa ganitong paraan, kaya hindi nakakapagtaka na hindi nila maiwasang kumilos nang ganito. Dahil hindi nila maiwasang kumilos nang ganito, at natiyak na ang kalikasang diwa nila, puwede pa bang iligtas ng Diyos ang mga gayong tao? Hindi ba’t dapat silang paalisin at patalsikin mula sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t dapat silang tanggihan ng lahat ng hinirang na tao ng Diyos? (Oo.) May mga kuru-kuro pa ba kayo tungkol sa pagkondena, pagpapaalis, at pagtitiwalag sa mga gayong indibidwal sa sambahayan ng Diyos? (Wala na.) Kaawa-awa ba sila? (Hindi.) Bakit hindi sila kaawa-awa? Kapoot-poot at kasuklam-suklam sila, kaya hindi sila kaawa-awa.

C. Kung Paano Itinuturing ng mga Anticristo ang Kababaang-loob at Pagiging Tago ni Cristo

Namamalas sa maraming paraan kung paano itinuturing ng mga anticristo ang pagiging normal at praktikal ni Cristo, at inilantad natin kani-kanina lang ang ilang partikular na halimbawa. Tatapusin na natin ang ating pagbabahaginan sa aspektong ito rito. Tungkol naman sa isa pang aspekto ni Cristo—ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago—nagpapakita pa rin ang mga anticristo ng natatangi nilang disposisyong diwa, at taglay nila ang mga pangunahing pagpapamalas at pamamaraang katulad ng pagturing nila sa pagiging normal at praktikal ni Cristo. Hindi pa rin nila matanggap ang mga bagay na ito mula sa Diyos, o matanggap ang mga ito bilang mga positibong bagay, sa halip ay kinamumuhian nila ang mga ito, kinukutya at kinokondena pa nila ang mga ito, at pagkatapos ay itinatanggi ang mga ito. May tatlong bahagi ang seryeng ito: Una, nagmamasid sila, pagkatapos ay kumokondena sila, at sa huli ay itinatanggi nila. Lahat ng ito ay karaniwang kilos ng mga anticristo; itinatakda ito ng diwa ng mga anticristo. Ano ba ang kababaang-loob at pagiging tago? Dapat hindi ito mahirap maunawaan sa literal na kahulugan—nangangahulugan ito ng hindi pagkahilig sa pagpapakitang-gilas, hindi pagyayabang sa sarili, hindi pagpapapansin, at pananatiling hindi kilala. May kinalaman ito sa disposisyon ng Diyos na nagkatawang-tao at sa likas na personalidad ng Diyos. Batay sa panlabas na anyo, hindi dapat mahirap para sa mga tao na mapansin ito: walang ambisyon si Cristo, hindi Siya nagtatangkang agawin ang kapangyarihan, wala Siyang pagnanais para sa kapangyarihan, hindi Niya ikinukulong ang puso ng mga tao, ni hindi Niya pinag-aaralan ang pagbabasa ng isip; nagsasalita nang simple, direkta, at malinaw si Cristo, hindi Siya kailanman gumagamit ng mga salitang mapang-usisa o ng mga panlalansi para alamin ang tunay na iniisip ng mga tao. Kung may gustong sabihin ang mga tao, puwede nila itong sabihin; kung wala naman, hindi Niya sila pinipilit. Kapag inilalantad ni Cristo ang mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang kalagayan ng mga tao, nagsasalita Siya nang direkta at malinaw Niyang tinutukoy ang mga ito; higit pa rito, napakasimple ng paraan ni Cristo sa pangangasiwa ng mga bagay. Dapat may ganitong impresyon ang mga nakikisalamuha sa Akin, sinasabing, “Napakaprangka Mo, wala Kang anumang taktika para sa mga makamundong pakikitungo. Sa kabila ng pagkakaroon ng katayuan, parang hindi Ka nakadarama ng pagiging mataas sa anumang grupo.” Tumpak nga ang pahayag na ito; hindi ko gustong maging sentro ng atensiyon o lalong maging tanyag sa harap ng iba. Kung wala talaga Ako ng katayuang ito at hindi Ako pinatotohanan ng Diyos, ang likas Kong personalidad ay ang manatili sa likod ng karamihan ng tao, ayaw Kong makita ng iba, ayaw Kong malaman ng iba kahit na mayroon Akong ilang espesyal na kasanayan, dahil kung nalaman ng mga tao, susundan nila Ako kung saan-saan, na isang abala at mahirap pangasiwaan. Kaya, saan man Ako pumunta, sa sandaling sumunod sa Akin ang mga tao kung saan-saan, naghahanap Ako ng mga paraan para paalisin sila, tinatalakay ang mga usapin kapag kinakailangan, at kapag hindi kinakailangan, agad Ko silang pinapabalik sa tama nilang lugar para gawin ang dapat nilang gawin. Para sa mga tiwaling tao, hindi nila ito lubos maisip, “Minamahal at sinusuportahan Ka namin nang labis! Sobra kaming nahuhumaling sa Iyo! Bakit hindi Mo tinatanggap ang pagmamahal namin?” Anong pinagsasasabi nila? Sinabi Ko na ang dapat Kong sabihin sa inyo, itinuro na ang dapat Kong ituro, kaya gawin na ninyo ang dapat ninyong ginagawa, huwag ninyo Akong palibutan, ayaw Ko nito. Sa pananaw ng mga tao, iniisip nila, “O Diyos, matapos gawin ang gayon kadakilang gawain, madalas Ka rin bang hindi nasisiyahan sa Iyong sarili? Sa dami ng Iyong tagasunod, hindi Mo rin ba palaging nararamdaman ang pagiging mataas? Hindi Mo ba palaging ninanais na magtamasa ng espesyal na pagtrato?” Sinasabi Ko na hindi Ko kailanman naramdaman iyon; hindi Ko kailanman namamalayan ang pagkakaroon ng maraming tagasunod, hindi Ako nakakaramdam ng pagiging mataas, at wala Akong kamalayan sa kung gaano kataas ang Aking katayuan. Sabihin ninyo sa Akin, gaano kasaya ang isang normal na tao sa araw-araw kung nasa gayong posisyon siya? Hindi ba’t malilito siya sa kung ano ang kanyang kakainin o isusuot? Hindi ba’t para siyang palutang-lutang sa ere sa buong araw? Hindi ba’t palagi niyang nanaising may mga taong susunod sa kanya kung saan-saan? (Oo.) Sa partikular, palaging maghahanap ng mga paraan ang mga may ilang abilidad para magsagawa ng mga pagpupulong, para matamasa ang pakiramdam ng atensiyon at palakpakan habang nagtatalumpati, iniisip na higit pa ito sa kasiyahan ng pagkain ng karne at pag-inom ng alak. Napapaisip Ako, bakit hindi Ko nararamdaman iyon? Bakit hindi Ko nararamdaman na mabuti iyon? Bakit hindi Ko gusto ang pakiramdam na iyon? Sa industriya ng musika sa mundo, ang mga may kaunting talento, lalo na ang mga marunong kumanta at sumayaw, ay tinatawag na mga diyosa, diyos, hari ng musika, reyna ng musika, at maging mga ama, ina, at lolo. Hindi maganda ang mga titulong ito. Bukod pa rito, hindi nasisiyahan ang ilang tao kapag tinatawag silang “Xiao[a] Wang” o “Xiao Li,” iniisip na ibinababa nito ang senyoridad nila, kaya naghahanap sila ng mga paraan para baguhin ang antas ng senyoridad nila, para tawagin silang hari o reyna ng mga tao sa hinaharap. Ito ang tiwaling lahi ng tao. Ang ilang tao, pagkatapos manalig sa Diyos, ay sinasabing hindi dapat maging walang galang ang mga mananampalataya tulad ng mga walang pananampalataya, na hindi sila dapat tawaging diyos, hari, o reyna, na dapat hindi sila napapansin at dapat silang maging mapagpakumbaba. Naniniwala sila na medyo bulgar ang direktang pagtawag sa sarili nila na Mapagpakumbaba, na hindi ito sapat na maliit o mababa, kaya’t tinatawag nila ang sarili nila na Maliit, Napakaliit, Alikabok, Kaunti, at ang iba pa ay Butil ng Buhangin at Nanometer. Hindi nila pinagtutuonan ang katotohanan pero pinag-iisipan nila ang pagiging bulgar, gamit ang mga pangalang Maliit na Damo, Palan, at maging Lupa, Putik, Dumi, at iba pa. Mas hindi kaaya-aya at mas mababa ang mga pangalang ito kaysa sa nauna, pero mababago ba ng mga ito ang anuman? Nakikita Ko na ang mga taong may ganitong mga pangalan ay napaka-arogante, hindi mabuti, at masasamang tao pa nga ang ilan. Hindi lamang hindi naging mas maliit o mapagpakumbaba ang mga may ganitong pangalan kundi nananatili silang hindi magagalang, buktot, at mapaminsala.

Sa unang pagkakataon na naging tao ang Diyos para gumawa sa lupa, simple at maikli ang Kanyang gawain, pero kailangang-kailangan at mahalagang yugto ang gawaing ito para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Gayumpaman, pagkatapos na ipako sa krus ang Panginoong Jesus, muli Siyang nabuhay at umakyat sa langit, hindi na Siya muling nagpakita sa sangkatauhan. Bakit hindi na Siya muling nagpakita sa sangkatauhan? Ito ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos. Ayon sa normal na lohika ng tao, naging tao ang Diyos at nagdusa nang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, tiniis Niya ang pagtanggi, paninirang-puri, pagkondena, pang-aabuso ng sangkatauhan, at iba pa, at na dapat Siyang bumalik sa piling ng mga tao para tamasahin ang mga bunga ng Kanyang tagumpay at kaluwalhatian pagkatapos Siyang ipako sa krus at muling nabuhay. Dapat nabuhay pa Siya ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon pa o mas matagal pa, tinatamasa ang pagsamba at pagtingala ng sangkatauhan sa Kanya, at ang katayuan at pagtrato na nararapat sa Kanya. Gayumpaman, hindi ito ginawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, tahimik at palihim na dumating ang Diyos, nang walang anumang seremonya, at hindi tulad ng mga tao na gustong iparamdam ang presensiya nila sa tuwing mayroon silang kaunting abilidad, hindi nanaisin ng Diyos na iproklama sa mundo, “Narito Ako, Ako ang Diyos mismo!” Hindi nagbigkas ang Diyos ng kahit isang salitang tulad nito para sa Kanyang sarili kundi tahimik Siyang ipinanganak sa isang sabsaban. Bukod sa tatlong pantas na nagpunta para sambahin ang Diyos, puno ng hirap at pagdurusa ang natitirang buhay ng Panginoong Jesucristo, na nagtapos lamang sa Kanyang pagkapako sa krus. Nagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos at pinatawad Niya ang mga kasalanan ng tao—ibig nitong sabihin na gumawa Siya ng isang dakilang bagay para sa sangkatauhan dahil tinulungan Niya ang mga tao na makatakas mula sa kasalanan at sa dagat ng pagdurusa, at Siya ang Manunubos ng sangkatauhan. Kaya makatwirang dapat tinamasa ng Diyos ang pagsamba, paghanga, at pagpapatirapa ng sangkatauhan. Gayumpaman, tahimik at palihim na umalis ang Diyos, nang walang anumang ingay. Sa nakalipas na dalawang libong taon, patuloy na lumalawak ang gawain ng Diyos. Puno ng hirap, pagdanak ng dugo, at pagkondena at paninirang-puri ng buong sangkatauhan ang proseso ng pagpapalawak na ito. Pero, anuman ang saloobin ng sangkatauhan sa Diyos, patuloy Siyang nagpapahayag ng katotohanan at hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao. Bukod pa rito, sa loob ng dalawang libong taong ito, hindi kailanman gumamit ang Diyos ng mga malinaw na salita para ideklara ang Kanyang sarili, upang sabihin na ang Panginoong Jesus ang Kanyang nagkatawang-taong laman, at na dapat Siyang sambahin at tanggapin ng sangkatauhan. Ginagamit lang ng Diyos ang pinakasimpleng pamamaraan, ipinapadala ang Kanyang mga lingkod para ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit sa lahat ng bansa at lugar, na nagpapahintulot sa mas maraming tao na magsisi, lumapit sa harapan ng Diyos, at tanggapin ang Kanyang kaligtasan, at sa gayon ay makamit ang kapatawaran sa mga kasalanan nila. Hindi kailanman gumamit ang Diyos ng anumang malabis na salita para sabihin na Siya ang paparating na Mesiyas; sa halip, pinatunayan Niya sa pamamagitan ng mga katunayan na ang lahat ng Kanyang ginawa ay ang gawain ng Diyos Mismo, na ang kaligtasan ng Panginoong Jesus ang sariling kaligtasan ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ang tumubos sa buong sangkatauhan, at Siya ang Diyos Mismo. Sa kasalukuyang pagkakatawang-tao, dumating ang Diyos sa piling ng mga tao sa parehong paraan at anyo. Ang pagdating ng Diyos sa laman ay isang malaking pagpapala para sa sangkatauhan, isang napakapambihirang pagkakataon, at higit pa rito, ito ang magandang kapalaran ng sangkatauhan. Pero ano ang kahulugan nito para sa Diyos mismo? Ito ang pinakamasakit na bagay. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang diwa ng Diyos ay Diyos. Ang Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Diyos, ay likas na walang kayabangan, at sa halip, matapat, banal, at matuwid Siya. Sa pagparito ng Diyos sa sangkatauhan, kailangan Niyang harapin ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng tao, na nangangahulugang ang lahat ng taong nais Niyang iligtas ay iyong mga kinamumuhian at kinasusuklaman Niya. Walang mayabang na disposisyon, kabuktutan, at panlilinlang ang Diyos; minamahal Niya ang mga positibong bagay, matuwid at banal Siya, pero isang grupo ng mga tao na kabaligtaran at kaaway ng Kanyang diwa ang Kanyang kinakaharap. Ano ba ang ibinibigay ng Diyos nang higit sa lahat? Ang Kanyang pagmamahal, pagtitiyaga, awa, at pagtitiis. Ang pagmamahal, awa, at pagtitiis ng Diyos ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago. Iniisip ng tiwaling sangkatauhan, “Gumagawa ang Diyos ng napakadakilang gawain, nakakamit Niya ang napakadakilang kaluwalhatian, at may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa napakaraming bagay, kaya bakit hindi Niya inaanunsiyo o idinedeklara ang Kanyang sarili?” Para sa mga tao, parang kasingdali ito ng pagpitik ng daliri; kapag gumagawa sila ng mabuting gawa, pinapalaki nila ito nang sampung beses, kapag gumagawa sila ng kaunting mabuti, pinapalaki nila ito nang dalawa o tatlong beses, pinapalaki ito nang walang hanggan, at iniisip na kapag mas detalyado ito, mas mainam. Pero wala sa diwa ng Diyos ang mga bagay na ito. Anuman ang gawin ng Diyos, walang diumano’y mga “transaksiyon” ng tao rito; walang anumang gustong hilingin ang Diyos, hindi Niya hinahangad ang “kabayaran” gaya ng sinasabi ng tao. Walang pagnanais para sa katayuan ang Diyos, gaya ng tiwaling sangkatauhan, hindi Niya sinasabi, “Ako ang Diyos; ginagawa Ko ang nais Ko, at anuman ang gawin Ko, kailangan ninyong tandaan ang Aking kabutihan, kailangan ninyong isapuso ang mga bagay na ginagawa Ko at palagi Akong gunitain.” Wala nang ganitong mismong uri ng diwa ang Diyos; wala Siyang ambisyon, wala Siyang mayabang na disposisyon ng tiwaling sangkatauhan, at hindi Niya idinedeklara ang Kanyang sarili. Sinasabi ng ilan, “Kung hindi Mo idedeklara ang Iyong sarili, paano malalaman ng mga tao na Ikaw ang Diyos? Paano nila makikita na mayroon Kang katayuan ng Diyos?” Hindi na ito kinakailangan; ito ang kayang maisakatuparan ng diwa ng Diyos. Nagtataglay ang Diyos ng diwa ng Diyos; gaano man kababa ang loob Niya at gaano man Siya natatago, gaano man Siya palihim na gumagawa, gaano man Siya nagpapakita ng awa at pagtitiis sa sangkatauhan, ang pinakahuling epekto ng Kanyang mga salita, gawain, kilos, at iba pa sa mga tao ay tiyak na tatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ang mga nilikhang tao, yuyukod at sasamba sa Lumikha, at kusang-loob na magpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Itinakda ito ng diwa ng Diyos. At ito mismo ang hindi kayang gawin ng mga anticristo. May mga ambisyon at pagnanais sila, pati na mga mayabang, malupit, at buktot na disposisyon, wala silang katotohanan, pero gusto pa rin nilang taglayin at kontrolin ang mga tao, at himukin ang mga tao na magpasakop at sumamba sa kanila. Batay sa diwa ng mga anticristo, hindi ba’t mga buktot sila? Nakikipagtalo sa Diyos ang mga anticristo para sa Kanyang mga hinirang na tao, makikipagtalo ba ang Diyos sa kanila? Mayroon bang ganitong diwa ang Diyos? Nakakamit ba ng Diyos ang pagsamba at pagpapasakop ng mga nilikhang tao sa pamamagitan ng pakikipagtalo para dito? (Hindi.) Paano Niya ito nakakamit? Nilalang ng Diyos ang mga nilikha; tanging ang Lumikha ang nakakaalam kung ano ang kailangan, ang dapat taglayin ng sangkatauhan, at kung paano dapat mamuhay ang sangkatauhan. Halimbawa, sabihin nang lumilikha ng isang makina ang isang tao. Tanging ang imbentor nito ang nakakaalam ng mga depekto at kahinaan nito, at kung paano ito aayusin; sinumang magtangkang gumawa ng pekeng bersiyon ng makina ay hindi alam ang mga bagay na ito. Sa parehong paraan, nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; tanging ang Diyos ang nakakaalam kung ano ang kailangan ng mga tao, tanging ang Diyos ang makakapagligtas sa sangkatauhan, at tanging ang Diyos ang makakapagpabago sa tiwaling tao tungo sa pagiging tunay na tao. Ginagawa ng Diyos ang lahat ng ito hindi sa pamamagitan ng Kanyang awtoridad, hindi sa pamamagitan ng sariling deklarasyon, pangangatwiran sa sarili, o sa pamamagitan ng panunupil, panlilihis, o pagkontrol sa mga tao; hindi ginagamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito, tanging si Satanas at ang mga anticristo ang gumagawa nito.

Pagkatapos ng napakaraming pagbabahaginan, ano ang pagkaunawa ninyo sa kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos? Ano ba ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos? Ang pagiging tago ba ay sadyang pagkukubli ng Kanyang pagkakakilanlan, ang intensiyonal na pagtatago ng Kanyang diwa at tunay na kalagayan? (Hindi.) Ang kababaang-loob ba ay pineke sa isang paimbabaw na paraan? Pagpipigil ba ito sa sarili? Pagpapanggap ba ito? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Diyos Ka na nagkatawang-tao, paano nakakapagsuot ng karaniwang damit ang isang tao na may napakataas na katayuan?” Sinasabi Kong isang ordinaryong tao lang Ako, namumuhay ng isang ordinaryong buhay; ordinaryo ang lahat ng tungkol sa Akin, kaya bakit hindi Ako puwedeng magsuot ng ordinaryong damit? Sinasabi ng ilan, “Ikaw si Cristo, ang nagkatawang-tao na Diyos. Marangal ang Iyong katayuan—huwag Mong maliitin ang Iyong sarili.” Sinasabi Ko, anong pagmamaliit? Hindi Ko minamalaki o minamaliit ang Aking sarili; Ako ay kung sino Ako, ginagawa Ko ang dapat Kong gawin, at sinasabi Ko ang dapat Kong sabihin—anong mali roon? Tama ang hindi pagmamalaki o pangmamaliit; kayabangan ang pagmamalaki, at pagpapanggap at panlilinlang ang pangmamaliit. Sinasabi ng ilan, “Dapat may tindig ng isang tanyag na tao ang Diyos na nagkatawang-tao, at dapat maging elegante ang Iyong pananalita at kilos. Tingnan mo ang mga ayos ng buhok, kasuotan, at kolorete ng makapangyarihang kababaihan sa lipunan, sila ang mga taong may katayuan, sila ang mga tinitingala ng mga tao!” Sinasabi Ko, ano ba ang katayuan? Ano ba ang pakialam Ko kung tinitingala Ako ng mga tao? Wala Akong pakialam doon; kung tinitingala mo Ako, nakakasuklam at nakakasuka iyon para sa Akin. Huwag na huwag mo Akong titingalain. Sinasabi ng iba, “Tingnan mo ang mga babaeng negosyante sa lipunan, napakarangal at elegante ng pananamit nila. Sa isang tingin lang, makikita nang makapangyarihan, elitistang personalidad sila—bakit hindi Ka matuto mula sa kanila?” Bakit Ko kailangang matutuhan ang isang bagay na hindi Ko gusto? Nagsusuot Ako ng mga damit na akma sa Aking edad, bakit Ako magpapanggap? Bakit Ko kailangang matuto mula sa iba? Ako ay Ako, para kanino Ako nagpapanggap? Hindi ba’t panlilinlang iyon? Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng wangis, hitsura, pananalita, at kilos ang dapat mayroon ang Diyos na nagkatawang-tao para tumugma sa Kanyang pagkakakilanlan? Mayroon ba kayong mga pamantayan para dito? Siguradong mayroon, kung wala, hindi ninyo titingnan si Cristo sa gayong paraan. Mayroon Akong mga pamantayan—lumalampas ba ang Aking mga pamantayan sa saklaw ng mga katotohanang prinsipyo? (Hindi.) Bakit palaging may mga kuru-kuro ang ilang tao tungkol sa anumang isuot o kainin Ko, palaging nagbubuod at nagbibigay ng hatol sa Akin—hindi ba’t nakakasuklam iyon? Bakit nakikita nila Ako sa ganitong paraan? Sa mga mata nila, mali ang anumang gawin ni Cristo, negatibo ang lahat ng ito, laging may kaduda-duda rito. Napakabuktot siguro nila! Batay sa seryeng ito ng iba’t ibang pagkakakilanlan, iba’t ibang perspektiba sa Diyos—mula sa Espiritu ng Diyos, sa diwa ng Diyos mismo, hanggang sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao—wala sa diwa ng Diyos ang kayabangan o ang anumang ambisyon at pagnanais ni Satanas, at lalong wala ang diumano’y paghahangad ng tao sa katayuan. Bukod sa Kanyang sariling diwa, ang pinakakapansin-pansing katangiang taglay ng Diyos, mula sa Espiritu ng Diyos hanggang sa Kanyang nagkatawang-taong laman, ay ang Kanyang kababaang-loob at pagiging tago. Hindi peke ang kababaang-loob na ito, hindi sadyang pag-iwas ang pagiging tagong ito; ito ang diwa ng Diyos, ito ang Diyos Mismo. Kung nasa espirituwal na mundo man ang Diyos o nagkatawang-tao Siya bilang tao, hindi nagbabago ang Kanyang diwa. Kung hindi makita ng isang tao na nagtataglay ng diwa ng Diyos ang nagkatawang-tao na Cristo batay rito, anong klaseng tao siya? Wala siyang espirituwal na pang-unawa, isa siyang hindi mananampalataya. Kung tinitingnan ng mga tao ang diwa ng kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, iniisip nila: “Parang hindi naman ganoon kadakila ang awtoridad ng Diyos. Parang hindi masyadong kapani-paniwala ang pagsasabi na makapangyarihan-sa-lahat ang Diyos, mas ligtas na sabihing makapangyarihan ang Diyos. Dahil wala Siyang gayong kalaking awtoridad, paano Siya magkakaroon ng Kataas-taasang Kapangyarihan sa sangkatauhan? Dahil hindi Niya ipinapakita kailanman ang katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos, kaya ba Niyang talunin si Satanas? Sinasabing may karunungan ang Diyos—kaya ba ng karunungan na pagpasyahan ang lahat ng bagay? Alin ang mas dakila, ang karunungan o ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat? Kaya bang maapektuhan ng karunungan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat? Kaya bang impluwensiyahan ng karunungan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat?” Pinag-iisipan ito ng mga tao pero hindi nila ito kayang makilatis o maunawaan. Nagkikimkim ng mga pagdududa ang ilang tao sa puso nila, at pagkatapos ay unti-unti nila itong pinoproseso, patuloy silang naghahanap at sumusubok na maunawaan ang usaping ito sa pamamagitan ng mga karanasan nila, at hindi nila namamalayang nagkakaroon sila ng ilang pandama na kaalaman. Ang mga anticristo lang, matapos pagdudahan ang lahat ng aspekto ng diwa ng Diyos, ang lahat ng pagpapamalas na ito, at lahat ng Kanyang kilos, ang hindi lamang nabibigong maunawaan na kababaang-loob at pagiging tago ito ng Diyos, na ito ang kaibig-ibig sa Diyos, kundi sa kabaligtaran ay nagkakaroon sila ng mas maraming pagdududa tungkol sa Diyos at ng mas matinding pagkondena sa Diyos. Pinagdududahan nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, pinagdududahan nila na kayang talunin ng Diyos si Satanas, pinagdududahan nila na kayang iligtas ng Diyos ang sangkatauhan, pinagdududahan nila na maisasakatuparan ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, at higit pa rito, pinagdududahan nila ang katunayang ibubunyag ng Diyos ang Kanyang sarili sa lahat ng tao sa Kanyang kaluwalhatian. Matapos pagdudahan ang mga bagay na ito, anong ginagawa nila? Itinatanggi nila ang mga bagay na ito. Kaya, sinasabi ng mga anticristo, “Walang kabuluhan ang kababaang-loob at pagiging tago ni cristo, hindi karapat-dapat na purihin o itaas ang mga ito, at hindi diwa ng diyos ang mga ito. Hindi mga bagay na taglay ng diyos ang gayong kababaang-loob at pagiging tago; mga pagpapamalas ng kawalan ng kakayahan ni cristo ang kanyang kababaang-loob at pagiging tago. Sa mundo, hangga’t may kaunting katayuan ang isang tao, pinaparangalan siya bilang hari, marquis, o emperador. Itinatag ni cristo ang kaharian niya at napakarami niyang tagasunod, at kasabay nito, umuunlad ang paglawak ng gawain ng ebanghelyo—hindi ba’t nangangahulugan iyon na lumalakas ang kapangyarihan ni cristo? Pero batay sa mga kilos niya, hindi niya balak na palakasin ang kanyang kapangyarihan, o magkaroon ng gayong kapangyarihan. Para bang wala siyang abilidad na magkaroon ng kapangyarihang ito, na mapasakamay ang kaharian ni cristo. Kung gayon, maaari ba akong magkamit ng mga pagpapala kung susunod ako sa kanya? Maaari ba akong maging panginoon ng susunod na kapanahunan? Maaari ba akong mamuno sa lahat ng bansa at tao? Kaya ba niyang wasakin ang lumang mundong ito, ang tiwaling sangkatauhang ito? Kung titingnan ang ordinaryong anyo ni cristo, paano niya maisasakatuparan ang mga dakilang bagay?” Palaging lumilitaw ang mga gayong pagdududa sa puso ng mga anticristo. Ang kababaang-loob at pagiging tago ni Cristo ay mga bagay na hindi kayang tanggapin, sang-ayunan, o makita ng lahat ng tiwaling tao, lalo na ng mga anticristo; itinuturing ng mga anticristo ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos bilang ebidensiya para sa mga pagdududa nila sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, bilang ebidensiya at sandata para itanggi ang awtoridad ng Diyos, kaya tinatanggihan nila ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, at ang diwa ni Cristo. Pagkatapos tanggihan ang diwa ni Cristo, nagsisimulang kumilos ang mga anticristo laban sa mga hinirang na tao ng Diyos sa loob ng nasasakupan nila, nang walang awa, nang walang pagkamahabagin, at nang walang takot, at kasabay nito, hindi nila itinatanggi o pinagdududahan ang sarili nilang abilidad, kasanayan, o ambisyon kahit kaunti. Sa loob ng saklaw ng impluwensiya nila, sa loob ng saklaw kung saan sila makakakilos, iniuunat ng mga anticristo ang mga kuko nila, kinokontrol ang mga makokontrol nila, at inililihis ang mga maiilihis; ganap nilang hindi isinasaalang-alang si Cristo at ang Diyos, ganap na pinuputol ang ugnayan nila sa Diyos, kay Cristo, at sa sambahayan ng Diyos.

Ano ba ang pangunahing pinagbabahaginan natin sa paksang ito tungkol sa kung paano itinuturing ng mga anticristo ang kababaang-loob at pagiging tago ni Cristo? Ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos—na dapat maunawaan ng mga tao—ay mga kondisyong pinakapaborable sa mata ng mga anticristo para gawin ang anumang gusto nila at magtatag ng isang nagsasariling kaharian sa sambahayan ng Diyos. Natatago sa laman ang Diyos, at may ibang anyo ang yugtong ito ng gawain sa mga huling araw kumpara sa Kapanahunan ng Biyaya. Bagaman hindi gumagawa ang Diyos ng mga himala at kababalaghan sa yugtong ito, nagsalita Siya ng higit na mas maraming salita, ng di-mabilang na mga salita. Paano man gumagawa ang Diyos, basta nagkatawang-tao Siya, napakalaking kahihiyan ang kasama sa paggawa Niya ng Kanyang gawain. Tanging ang ganitong Diyos, na may banal na diwa, ang tunay na makakagpakumbaba at makakapagtago ng Kanyang sarili para maging isang ordinaryong tao para gawin ang Kanyang gawain, dahil taglay Niya ang diwa ng kababaang-loob at pagiging tago. Sa kabaligtaran, ganap na walang kakayahan si Satanas na gawin ito. Anong uri kaya ng laman ang isusuot ni Satanas para gumawa sa gitna ng mga tao? Una, magkakaroon ito ng kahanga-hangang anyo, at magiging mabagsik, mapanlinlang, at buktot ito; pagkatapos, dapat nitong makabisado ang iba’t ibang estratehiya at taktika para paglaruan at manipulahin ang mga tao, kasama ang iba’t ibang panlalansi, dapat maging sapat na walang awa at mapaminsala ito. Kailangan nitong palaging ipakita ang sarili nito sa mga tao, at maging sentro ng atensiyon sa lahat ng dako, sa takot na baka may isang tao na hindi ito makilala, at dapat nitong palaging subukang palakihin ang kasikatan nito at itaas ang sarili nito. Kapag sa wakas ay tinawag ito na hari o emperador ng mga tao, masisiyahan na ito. Kabaligtaran mismo ng ginagawa ni Satanas ang ginagawa ng Diyos. Patuloy na nagpapakita ng pagtitiyaga at pagiging tago ang Diyos, at habang ginagawa Niya ito, itinatanim Niya ang Kanyang mga salita at ang Kanyang buhay sa mga tao gamit ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Lumikha, para maunawaan ng mga tao ang katotohanan, maligtas, at maging tunay na mga nilikhang may normal na pagkatao at normal na pamumuhay. Kahit na napakahalaga para sa sangkatauhan ang ginagawa ng Diyos, itinuturing ng Diyos na Kanyang sariling responsabilidad ito. Kaya, personal Siyang nagkatawang-tao, at walang kapagurang nagtutustos, tumutulong, sumusuporta, nagbibigay-liwanag, at nagtatanglaw sa mga tao tulad ng isang ina o isang ama. Siyempre, kinakastigo, hinahatulan, itinutuwid, at dinidisplina rin Niya ang mga tao, pinagmamasdan Niya ang pagbabago nila sa araw-araw, ang pamumuhay nila ng isang normal na buhay iglesia sa araw-araw, at ang paglago nila sa buhay araw-araw. Kaya, ang realidad ng mga positibong bagay ang lahat ng ginagawa ng Diyos. Sa gitna ng sangkatauhan, pinupuri ng mga tao ang mga halagang ibinayad ng Diyos, ang Kanyang dakilang kapangyarihan, at ang Kanyang kaluwalhatian, pero sa mga salita ng Diyos, kailan ba Niya sinabi sa mga tao: “Ginawa Ko ito at iyon para sa sangkatauhan, nagsakripisyo Ako nang husto; dapat Akong purihin at itaas ng mga tao”? Mayroon bang mga gayong hinihingi ang Diyos sa sangkatauhan? Wala. Ito ang Diyos Mismo. Hindi kailanman gumamit ng mga kondisyon ang Diyos para makipagpalitan sa mga tao, sinasabing, “Inilagay Ko si Cristo kasama ninyo, dapat ninyo Siyang tratuhin nang mabuti, makinig kayo sa Kanyang mga salita, magpasakop kayo sa Kanya, at sumunod sa Kanya. Huwag magdulot ng mga kaguluhan o pagkagambala, gawin ang anumang iniuutos Niya sa inyo, kung paano Niya ito ipinapagawa sa inyo, at kapag naisakatuparan na ang lahat, mapaparangalan kayong lahat.” Kahit kailan ba ay sinabi ng Diyos ang gayong bagay? Ito ba ang layunin ng Diyos? Hindi. Sa kabaligtaran, ang mga anticristo ang laging sumusubok na gumamit ng iba’t ibang paraan para akitin, pigilin, kontrolin ang lahat tungkol sa mga tao at maging bihasa tungkol sa mga ito, para iwanan ng mga tao ang Diyos at lumapit sila sa mga anticristo. Ang mga anticristo ang nagpoproklama at nag-aanunsiyo saanman kapag may nagagawa silang kahit na maliit na bagay. Hindi lang nila kayang maunawaan, tanggapin, purihin, o itaas ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, kundi, hinahamak at nilalapastangan din nila ang mga bagay na ito. Itinatakda ito ng disposisyong diwa ng mga anticristo.

Ngayon, nagbahaginan tayo sa tatlong pagpapamalas kung paano itinatanggi ng mga anticristo ang diwa ni Cristo. Dito na natin tatapusin ang ating pagbabahaginan. May mga tanong ba kayo? (Wala.) Sige, paalam!

Nobyembre 21, 2020

Talababa:

a. Ang mga nagsasalita ng Tsino ay naglalagay ng “Xiao” bago ang apelyido ng isang tao na mas bata kaysa sa kanila.

Sinundan: Ikalabinlimang Aytem: Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi)

Sumunod: Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito