Ikalimang Ekskorsus: Pagbubuod sa Katangian ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikalawang Bahagi)
II. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Karakter at Disposisyong Diwa
Noong nakaraan, ibinuod natin ang karakter ng mga anticristo. Puwede bang ibahagi ninyo kung ano ang mga bumubuo nito? (Ang unang aytem ay ang nakagawiang pagsisinungaling, ang pangalawa ay ang pagiging traydor at walang awa, ang pangatlo ay ang kawalan ng pagpapahalaga sa dangal at kawalan ng pakialam sa kahihiyan, ang pang-apat ay ang pagiging makasarili at ubod ng sama, ang panglima ay ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina, at ang pang-anim ay ang pagiging mas mapaghangad sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao.) Sa kabuuan ay may anim na aytem. Kung titingnan ang anim na aytem na ito, walang pagkatao, konsensiya, at katwiran ang karakter ng mga anticristo. Mababa ang integridad nila, at kasuklam-suklam ang karakter nila. Sabihin nating hindi mo alam o hindi mo maarok ang disposisyon ng isang tao, o kung mabuti o masama ba ito, pero sa pamamagitan ng pag-aaral sa karakter niya, natutuklasan mo, halimbawa, na may kasuklam-suklam siyang karakter, tulad ng nakagawiang pagsisinungaling, kawalan ng pagpapahalaga sa dangal, o pagiging traydor at walang awa. Kung gayon ay puwede mo siyang paunang tukuyin bilang isang taong walang konsensiya, mabuting puso, o marangal na karakter, sa halip ay tutukuyin mo siya bilang isang taong may di-mabuti, napakababa, at masamang pagkatao. Kung walang katayuan ang mga gayong tao, puwede silang pansamantalang ikategorya bilang masasamang tao; batay sa karakter nila, puwede ba silang ganap at lubusang tukuyin bilang mga anticristo? Kung isasaalang-alang lang natin ang mga pagpapamalas na ito ng pagkatao nila, puwedeng tukuyin bilang mga anticristo ang mga gayong tao nang may 80% na katiyakan. Hindi lamang nila taglay ang disposisyon ng mga anticristo, at hindi lang ito simpleng kaso na masama, di-mabuti, at mababa ang pagkatao nila, kaya puwede natin silang paunang tukuyin bilang mga anticristo. Dahil walang sinuman na natutukoy bilang isang anticristo ang may mabuting pagkatao, katapatan, kabutihan, kasimplehan, katuwiran, sinseridad sa iba, o pagpapahalaga sa dangal; walang sinumang nagtataglay ng mga aspektong ito ng karakter, ang isang anticristo. Una sa lahat, napakababa ng pagkatao ng mga anticristo. Wala silang konsensiya at katwiran, at tiyak na hindi nila taglay ang karakter na mayroon ang mga taong may pagkatao at marangal na integridad. Samakatwid, batay sa karakter ng mga anticristo, kung wala silang katayuan at isang ordinaryong tagasunod lang sila o karaniwang miyembro ng isang grupo na gumagawa ng kanilang tungkulin, pero kung napakababa ng karakter nila, at taglay nila iyong mga katangian ng karakter ng isang anticristo, puwede nating paunang ikategorya ang mga taong ito bilang mga anticristo. Ano ang dapat gawin sa mga taong hindi makilatis? Hindi dapat itaas ang ranggo nila o hindi sila dapat bigyan ng katayuan. Puwedeng sabihin ng ilan, “Kung bibigyan natin sila ng katayuan, hindi ba’t iyon ang makatutukoy kung mga anticristo ba sila o hindi?” Tama ba ang pahayag na iyon? (Hindi.) Kung bibigyan natin ng katayuan ang mga gayong tao, gagawin nila ang mga bagay na ginagawa ng mga anticristo, at gagawin nila ang anumang kayang gawin ng isang anticristo. Una, magtatatag sila ng mga nagsasariling kaharian, at bukod pa roon, kokontrolin nila ang mga tao. Gagawa ba ang ganitong klase ng tao ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kapag nagkamit ng katayuan ang mga gayong tao, puwede na silang magtatag ng mga nagsasariling kaharian, kumilos nang walang habas, magdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, bumuo ng mga paksyon, at isagawa ang lahat ng gawa ng masasamang tao. Katulad ito ng pagpapapasok ng isang zorra sa ubasan, inilalagay ang hinirang na mga tao ng Diyos sa kamay ng masasamang tao, at dinadala sila sa mga diyablo at Satanas. Kapag nagkakaroon ng kapangyarihan ang mga ganitong tao, tiyak na walang pagdududang mga anticristo sila. Kung tutukuyin na anticristo ang isang tao batay lang sa karakter niya, para sa maraming tao na walang kamalayan sa mga katunayan, na hindi nakakaunawa o hindi nakakakilatis sa disposisyong diwa ng mga anticristo, maaaring mukhang medyo kalabisan naman ito. Puwedeng iniisip nila, “Bakit tuluyang isasantabi o kokondenahin ang isang tao batay lamang dito? Parang hindi naman patas na bansagan silang anticristo bago pa man sila gumawa ng kahit ano.” Gayunpaman, batay sa disposisyong diwa ng mga anticristo, tiyak na wala silang mabuting pagkatao. Una, tiyak na hindi sila mga tagapaghangad ng katotohanan; pangalawa, tiyak na hindi nila mahal ang katotohanan; higit pa rito, tiyak na hindi sila ang uri ng mga tao na nagpapasakop sa mga salita ng Diyos, may takot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan. Para sa mga taong walang mga gayong katangian, malinaw na malinaw kung ang karakter nila ay marangal o mababa, mabuti o masama.
Noong huling pagtitipon, pinagbahaginan natin ang iba’t ibang pag-uugali, paraan ng pagsasalita at pangangasiwa sa mga usapin, at iba pa, na naipapamalas sa pamamagitan ng karakter ng mga anticristo. Kung hindi natin lubos na matutukoy kung anticristo ang isang tao batay sa karakter niya, kinakailangan nating magbahaginan pa sa disposisyong diwa ng mga anticristo. Sa pamamagitan ng pagsusuri at pagkilatis sa karakter ng mga anticristo sa isang aspekto, at sa disposisyong diwa nila sa isa pang aspekto, sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawang ito ay matutukoy natin kung taglay lang ng isang tao ang disposisyon ng isang anticristo o kung isa nga siyang anticristo. Ngayon, ibuod natin kung anong mga disposisyong diwa mayroon ang mga anticristo. Isa itong mas mahalagang katangian na nagtutulot sa atin na mas mabuting makilala, makilatis, o matukoy kung isang anticristo ang isang tao.
Tungkol sa disposisyon, dati na natin itong ibinuod nang kongkreto—ano ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? (Pagiging mapagmatigas, mayabang, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, malupit, at buktot.) Higit-kumulang na anim ang mga ito, at ang iba pang mga pagpapakahulugan ng mga disposisyon tulad ng pagiging makasarili at ubod ng sama ay medyo may kaugnayan o kahawig ng isa sa anim na ito. Sabihin mo sa Akin, may pagkakaiba ba sa pagitan ng karakter ng isang tao at sa disposisyong diwa niya? Ano ang pagkakaiba? Pangunahing sinusukat ang karakter sa pamamagitan ng konsensiya at katwiran. Kasama rito kung may integridad ba ang isang tao, kung marangal ba ang integridad niya, kung may dignidad ba siya, kung may taglay ba siyang moralidad ng tao, ang antas ng moralidad niya, kung may limitasyon ba siya at mga prinsipyo sa asal niya, kung mabuti o masama ba ang pagkatao niya, at kung simple at tapat ba siya—ang mga aspektong ito ay nauukol sa karakter ng tao. Sa diwa, ang karakter ay binubuo ng mga pagpili at pagkiling sa mabuti at masama, sa mga positibo at negatibong bagay, at sa tama at mali na ipinapamalas ng mga tao sa pang-araw-araw nilang buhay—ang mga ito ang sakop nito. Sa pangunahin ay hindi sangkot dito ang katotohanan; sinusukat lamang ito gamit ang pamantayan ng konsensiya kasama ang mabuti at masamang pagkatao, at hindi talaga umaabot sa antas ng katotohanan. Kung sangkot ang disposisyon, dapat itong sukatin batay sa diwa ng isang tao. Kung mas pinipili ba niya ang mabuti o masama, at, pagdating sa katarungan at kabuktutan gayundin sa mga positibo at negatibong bagay, kung ano ang ipinapamalas niya, kung ano talaga ang mga pinipili niya at ang disposisyong ibinubunyag niya, at ano ang puwedeng maging mga reaksyon niya—kailangang sukatin ang mga bagay na ito gamit ang katotohanan. Kung medyo mabait ang karakter ng isang tao, kung may konsensiya at katwiran siya, masasabi ba na wala siyang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kung napakabait ng isang tao, may taglay ba siyang kayabangan? (Oo, mayroon.) Kung napakatapat ng isang tao, mayroon ba siyang mapagmatigas na disposisyon? (Oo, mayroon.) Masasabing gaano man kabuti ang karakter ng isang tao, gaano man karangal ang integridad niya, wala sa mga ito ang nangangahulugang wala siyang tiwaling disposisyon. Kung may konsensiya at katwiran ang isang tao, nangangahulugan ba ito na hindi niya nilalabanan ang Diyos kahit kailan o hindi siya naghihimagsik laban sa Kanya kahit kailan? (Hindi.) Kaya, paano nagaganap ang ganitong paghihimagsik? Ito ay dahil may tiwaling disposisyon ang mga tao, at sa disposisyong diwa nila, mayroong pagiging mapagmatigas, mayabang, buktot, at iba pa. Samakatwid, gaano man kabuti ang karakter ng isang tao, hindi ito nangangahulugan na taglay niya ang katotohanan, na wala siyang tiwaling disposisyon, o na maiiwasan niyang labanan, ipagkanulo ang Diyos at maghimagsik laban sa Diyos, at magpasakop sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan. Kung mayroon siyang mabuting karakter, kung siya ay medyo simple, tapat, matuwid, mabuti ang puso, at may pagpapahalaga sa dangal, nangangahulugan lang ito na kaya niyang tanggapin ang katotohanan, mahalin ang katotohanan, at magpasakop sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, dahil taglay niya ang karakter na kayang tumanggap sa katotohanan.
Ang mabuti o masamang karakter ay sinusukat gamit ang mga pangunahing pamantayan tulad ng konsensiya, moralidad, at integridad. Gayumpaman, dapat sukatin ang disposisyong diwa ng isang tao gamit ang anim na tiwaling disposisyon na nabanggit kanina. Kung ang isang tao ay may mataas na pamantayan sa moralidad, may integridad, konsensiya, katwiran, at mabuting puso, masasabi lamang na medyo mabuti ang karakter niya. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan ng taong ito ang katotohanan, na tinataglay niya ang katotohanan, o na kaya niyang pangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang pinatutunayan nito? Kahit na mayroon siyang mabuting karakter, medyo marangal na integridad, at mas mataas na pamantayan sa moralidad sa pag-asal at pagkilos niya, hindi iyon nangangahulugan na wala siyang tiwaling disposisyon, na taglay niya ang katotohanan, o na ganap na naaayon sa mga hinihingi ng Diyos ang disposisyon niya. Kung hindi nagpapakita ng pagbabago ang tiwaling disposisyon ng isang tao at hindi niya nauunawaan ang katotohanan, gaano man kabuti ang karakter niya, hindi siya tunay na isang mabuting tao. Ipagpalagay nang nakakaranas ng kaunting pagbabago sa disposisyon ang isang tao, ibig sabihin, hinahanap niya ang katotohanan sa mga kilos niya, maagap niyang sinusunod ang mga katotohanang prinsipyo sa kung paano niya pinapangasiwaan ang mga usapin, at nagpapasakop siya sa katotohanan at sa Diyos, at bagaman paminsan-minsan pa ring lumilitaw ang tiwaling disposisyon niya, nagbubunyag siya ng kayabangan at pagkamapanlinlang, at sa malulubhang kaso, ng malupit na disposisyon, pero sa kabuuan, ang pinagmulan, direksyon, at pakay ng mga kilos niya ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kapag kumikilos siya, ginagawa niya ito nang may paghahanap at pagpapasakop. Kaya, masasabi bang mas marangal ang karakter niya kumpara sa mga taong hindi nagpapakita ng pagbabago sa disposisyon? (Oo.) Kung likas lang na mabuti ang karakter ng isang tao, at sa mata ng iba ay mabuti ang pagkatao niya, pero hindi talaga niya nauunawaan ang katotohanan, puno siya ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, hindi niya alam kung paano danasin ang mga salita ng Diyos, at wala siyang kamalayan kung paano tanggapin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, lalo na kung paano magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, isa ba siyang tunay na mabuting tao? Kung tutuusin, hindi siya tunay na mabuting tao, pero tumpak na masasabi na medyo mabuti ang karakter niya. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng medyo mabuting karakter? Ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng kaunting integridad, pagiging medyo patas at makatarungan sa mga kilos at pakikitungo niya sa iba, hindi pagsasamantala sa iba, pagiging medyo tapat, hindi pananakit o pamiminsala sa iba, pagkilos nang may konsensiya, at pagkakaroon ng partikular na pamantayan sa moralidad, higit pa sa simpleng pag-iwas na lumabag sa batas at lumabag sa mga etikal na relasyon—medyo mas mataas ito kaysa sa dalawang pamantayang ito. Kapag nakikisalamuha ang mga tao sa gayong tao, nararamdaman nilang medyo matuwid ang taong iyon at hindi nila kailangang maging mapagbantay laban sa mga ito kapag magkasama sila, dahil hindi ipinapahamak o sinasaktan ng taong iyon ang ibang tao, at panatag ang isipan ng mga tao sa tuwing nakikisakamuha sila sa taong iyon—ang pagkakaroon ng mga katangiang ito ay nagpapahiwatig na medyo mabuti ang isang tao. Gayumpaman, kumpara sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan at kayang magsagawa at magpasakop sa katotohanan, walang anumang marangal sa gayong pagkatao. Sa madaling salita, gaano man kabuti ang pagkatao ng isang tao, hindi nito mapapalitan ang pagkaunawa sa katotohanan o ang pagsasagawa sa katotohanan, at tiyak na hindi nito mapapalitan ang pagbabago sa disposisyon.
Tumutukoy ang karakter sa konsensiya, moralidad, at integridad ng mga tao. Para masukat ang karakter ng isang tao, kinakailangang suriin ang konsensiya, moralidad, at integridad niya. Pero ano ang tinutukoy ng disposisyon, at paano ito sinusukat? Sinusukat ito gamit ang katotohanan, gamit ang mga salita ng Diyos. Ipagpalagay nang napakabuti ng karakter ng isang tao sa lahat ng aspekto, naniniwala ang lahat na mabuti siyang tao, at masasabi na perpekto at kumpleto siya sa mga mata ng tiwaling sangkatauhan, tila walang kapintasan o depekto; pero kapag sinusukat batay sa katotohanan, ang maliit na bahagi ng diumano’y kabutihan niya ay halos hindi na karapat-dapat pang banggitin. Sa pagsusuri ng disposisyon niya, puwedeng makita ang pagiging mayabang, mapagmatigas, mapanlinlang, buktot, maging ang pagiging tutol sa katotohanan, at lalo na ang pagpapamalas ng malupit na disposisyon. Hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Paano sinusukat ang disposisyong diwa ng isang tao? Sinusukat ito gamit ang katotohanan, sa pamamagitan ng pagsusuri sa saloobin ng isang tao ukol sa katotohanan at sa Diyos. Sa ganitong paraan, ganap at lubusang nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao. Bagaman maaaring nakikita ng mga tao na mayroon siyang konsensiya, integridad, at mataas na pamantayan sa moralidad, at itinuturing siyang isang banal o perpektong tao bukod sa iba pang bagay, pero kapag nahaharap sa katotohanan at sa Diyos, nalalantad ang tiwaling disposisyon niya, wala siyang anumang merito, at nakikita na pareho sa buong sangkatauhan ang mga tiwaling disposisyon niya. Kapag ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan, nagpapakita sa mga tao, at gumagawa, ipinapamalas niya ang bawat tiwaling disposisyon ng pagiging mapagmatigas, mayabang, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, buktot, at malupit na katulad sa ibang tao. Hindi ba’t perpekto ang mga gayong tao? Hindi ba’t mga banal sila? Hindi ba’t mabubuti silang tao? Mabuti lang sila sa mata ng ibang tao; dahil walang katotohanan ang mga tao at taglay nila ang mga parehong tiwaling disposisyon, ang pamantayang gamit nila sa pagsukat sa isa’t isa ay batay lang sa konsensiya, integridad, at moralidad, hindi batay sa katotohanan. Ano ang hitsura ng karakter ng isang tao kapag hindi ito sinusukat gamit ang katotohanan? Tunay ba siyang mabuting tao? Malinaw na hindi, dahil ang isang taong sinuri at hinusgahan ng ibang tao bilang mabuti ay hindi walang anumang mga tiwaling disposisyon. Kaya, paano nabubuo at nalalantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Kapag ang Diyos ay hindi nagpapahayag ng katotohanan o hindi nagpapakita sa sangkatauhan, tila hindi umiiral ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Gayumpaman, kapag ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan at nagpapakita sa mga tao, ganap na nalalantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga diumano’y banal o perpektong tao sa mga mata ng ibang tao. Sa perspektibang ito, ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay kaakibat ng karakter nila. Hindi ito nangangahulugan na may tiwaling disposisyon lang ang mga tao kapag nagpapakita ang Diyos; sa halip, kapag ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at nagpapakita at gumagawa Siya sa piling ng sangkatauhan, nalalantad ang tiwaling disposisyon at kapangitan nila. Sa puntong ito, napagtatanto at natutuklasan ng mga tao na sa likod ng isang mabuting karakter ay mayroon ding tiwaling disposisyon. Ang mabubuting tao, mga perpektong tao, o mga banal sa mata ng iba ay nagtataglay ng tiwaling disposisyon tulad ng ibang tao, at hindi mas kaunti ang tiwaling disposisyon nila kaysa sa sinumang ibang tao—ang mga tiwaling disposisyon ng mga taong ito ay mas nakatago pa nga kaysa sa ibang tao at mas may kakayahang manlihis. Kaya, ano nga ba ang isang tiwaling disposisyon, at ano ang disposisyong diwa? Ang tiwaling disposisyon ng isang tao ang diwa ng taong iyon; ang karakter ng isang tao ay kumakatawan lang sa ilang paimbabaw na tuntunin ng pag-asal, at hindi ito sumasalamin sa pagkataong diwa ng isang tao. Kapag pinag-uusapan natin ang pagkataong diwa ng isang tao, tinutukoy natin ang disposisyon niya. Kapag pinag-uusapan natin ang karakter ng isang tao, tinutukoy natin ang mga maliwanag na aspekto tulad ng kung siya ba ay may mabuting layunin, may mabuting puso, kung kumusta ang integridad niya, at kung mayroon siyang mga pamantayan sa moralidad. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang ibig sabihin ng karakter at kung ano ang ibig sabihin ng disposisyong diwa? Maaarok lang nang lubos ang usaping ito sa puso ng isang tao; hindi ito puwedeng tukuyin gamit ang isang salita o parirala. Isa itong napakakomplikadong usapin. Kung ito ay tinukoy o ipinaliwanag nang masyadong makitid, maaaring magmukha itong nakaayon sa pamantayan pero ang totoo ay hindi ito malinaw. Hindi Ko ito bibigyan ng depinisyon, pero ipapaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, at kung naaarok ninyo ito nang lubos sa puso ninyo, mauunawaan ninyo ito.
Mayroong anim na tiwaling disposisyon ng tao sa kabuuan: Pagiging mapagmatigas, mayabang, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, malupit, at buktot. Sa anim na ito, alin ang medyo malubha, at alin ang mas ordinaryo o pangkaraniwan, mas banayad sa usapin ng antas, at hindi gaanong matindi sa usapin ng mga sitwasyon? (Mas banayad nang kaunti ang pagiging mapagmatigas, mayabang, at mapanlinlang.) Tama iyan. Mukhang may kaunting kaalaman at pagkaunawa kayo sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Bagaman kabilang din ang tatlong ito sa mga tiwaling disposisyon na taglay ng sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, at sa usapin ng diwa, ang mga ito ay kinasusuklaman din ng Diyos, hindi umaayon sa katotohanan, at mapanlaban sa Diyos, medyo banayad at mababaw ang mga ito sa usapin ng antas, ibig sabihin, medyo mas pangkaraniwan ang mga ito; ang mga ito ay taglay, sa iba’t ibang antas, ng bawat miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Bukod sa tatlong ito, ang pagutol sa katotohanan, malupit, at buktot ay lubhang mas malala sa usapin ng antas. Kung sinasabing mga ordinaryong tiwaling disposisyon ang unang tatlo, ang huling tatlo ay mga ekstraordinaryong tiwaling disposisyon, na mas malubha sa usapin ng antas. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mas malubha ng mga ito? Ibig sabihin, ang tatlong ito ay mas malubha sa usapin ng mga sitwasyon, diwa, at sa antas ng paglaban, paghihimagsik, at pagsalungat ng mga tao sa Diyos. Ang tatlong ito ay mas malubhang disposisyon na ipinapamalas ng mga tao sa pamamagitan ng direktang pagtatanggi sa katotohanan, pagtatatwa sa Diyos, pagpoprotesta laban sa Diyos, pag-atake sa Diyos, pagsubok sa Diyos, panghuhusga sa Diyos, at iba pa. Paano naiiba ang tatlong tiwaling disposisyong ito ng tao sa naunang tatlo? Mas pangkaraniwan ang unang tatlo, ang mga ito ay mga katangian ng mga tiwaling disposisyon na taglay ng lahat ng tiwaling tao, ibig sabihin, ang bawat indibidwal, anuman ang edad, kasarian, lugar ng kapanganakan, lahi, o etnisidad, ay taglay ang tatlong disposisyong ito. Ang huling tatlo ay naroroon sa iba’t ibang antas at sa mas mataas o mas mababang antas sa bawat tao, depende sa diwa nila, pero sa tiwaling sangkatauhan, ang mga anticristo lang ang nagtataglay ng tatlong disposisyong ito—kabuktutan, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan—sa pinakamalubhang antas. Bukod sa mga anticristo, ibinubunyag lang ng mga ordinaryong tiwaling tao ang mga disposisyon ng kabuktutan, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan sa isang partikular na antas, o sa partikular na kapaligiran o mga natatanging konteksto. Kahit na taglay nila ang mga disposisyong ito, hindi sila mga anticristo. Hindi buktot o malupit ang diwa nila, at tiyak na hindi ito tutol sa katotohanan. May kinalaman ito sa karakter nila. Ang mga taong ito ay medyo may mabuting puso, may integridad sila, sila ay matuwid, may pagpapahalaga sa dangal, at iba pa—medyo mabuti ang karakter nila. Samakatwid, ibinubunyag lang nila ang huling tatlong malubhang tiwaling disposisyon paminsan-minsan, o sa partikular na mga kapaligiran at konteksto lang. Gayumpaman, hindi nangingibabaw ang mga disposisyong ito sa diwa nila. Halimbawa, kapag ang mga indibidwal na may mga ordinaryong tiwaling disposisyon ay kumikilos nang pabasta-basta sa paggampan ng mga tungkulin nila at humaharap sa pagdidisiplina ng Diyos, maaaring tumanggi silang sumuko rito, iniisip nila, “Pabasta-basta rin naman ang iba; bakit hindi sila dinidisiplina? Bakit ako ang nakakatanggap ng ganitong uri ng pagdidisiplina at pagtutuwid?” Anong uri ng disposisyon ang pagtangging ito na sumuko? Maliwanag na isa itong malupit na disposisyon. Nagrereklamo sila tungkol sa pagiging hindi patas at may pagkiling na pagtrato ng Diyos, na may bahagyang katangian ng pagsalungat at maingay na pagpoprotesta laban sa Diyos—isa itong malupit na disposisyon. Nabubunyag ang malupit na disposisyon ng mga gayong tao sa mga sitwasyong ito, pero ang pagkakaiba ay may mabuting puso ang mga taong ito, may kamalayan ng konsensiya, integridad, at medyo pagkamatuwid. Kapag nagrereklamo sila laban sa Diyos at nagbubunyag ng malupit na disposisyon, gumagana ang konsensiya nila. Kapag gumana ang konsensiya nila, nakikipagtalo ito sa kanilang malupit na disposisyon, at nagsisimulang mabuo ang ilang ideya sa isipan nila: “Hindi ako dapat mag-isip nang ganito. Pinagpala ako nang labis ng Diyos, at ipinakita Niya sa akin ang biyaya. Hindi ba’t kawalan ng konsensiya ang mag-isip nang ganito? Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos at pagdurog sa puso Niya?” Hindi ba’t paggana ito ng konsensiya nila? Sa puntong ito, gumagana ang mabuting karakter nila. Sa sandaling nagsisimula nang gumana ang konsensiya nila, naglalaho ang galit, mga reklamo, at pagtanggi nilang sumuko, at unti-unting naisasantabi at nawawala ang mga ito. Hindi ba’t epekto ito ng konsensiya nila? (Oo.) Kaya, nagbubunyag ba sila ng malupit na disposisyon? (Oo.) Nagbubunyag sila ng malupit na disposisyon, pero dahil may konsensiya at pagkatao ang mga gayong indibidwal, kayang pigilin ng konsensiya nila ang malupit nilang disposisyon, at gawin silang makatwiran. Kapag nagiging makatwiran at kalmado sila, magninilay-nilay sila at mapagtatanto nila na sila rin, ay may kakayahang lumaban sa Diyos. Sa panahong ito, magkakaroon sila ng pakiramdam ng pagkakautang at pagsisisi nang hindi nila namamalayan: “Masyado akong mapusok ngayon-ngayon lang, lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos. Hindi ba’t pagmamahal ng Diyos ang pagdidisiplina Niya sa akin? Hindi ba’t ito ang pabor Niya? Bakit ako kumilos nang napakawalang katwiran? Hindi ba’t ginalit ko ang Diyos? Hindi ko puwedeng ipagpatuloy ito; kailangan kong manalangin sa Diyos, magsisi, bitiwan ang masamang ginagawa ko, at tapusin ang paghihimagsik ko. Dahil inaamin kong kumikilos ako nang pabasta-basta, kailangan kong itigil ang pagiging pabasta-basta, gawin ang mga bagay nang seryoso, at hanapin kung paano ko maihahandog ang pagkamatapat ko sa pamamagitan ng mga kilos ko, pati na rin kung ano ang mga prinsipyo ng paggawa ng tungkulin ko.” Hindi ba’t epekto ito ng mabuting karakter nila? Walang duda, may malupit ding disposisyon ang mga taong ito, pero dahil sa epekto ng konsensiya nila at sa pagtitimbang ng mga bagay gamit ang pagkamakatwiran nila, ang mabuti, mapagmahal-sa-katotohanang karakter nila ang namamayani sa huli. Ang mga indibidwal na ito ay may kalupitan sa mga tiwaling disposisyon nila, kaya masasabi ba kung gayon na may malupit silang diwa? Masasabi ba na malupit ang diwa nila? Hindi. Sa obhetibong pananalita, bagaman ang tiwaling disposisyong ibinubunyag nila ay may kasamang kalupitan, dahil sila ay may konsensiya, pagkamakatwiran at kaunting pagmamahal sa katotohanan, ang kalupitan nila ay isang uri lang ng tiwaling disposisyon, at hindi ang diwa nila. Bakit hindi ito ang diwa nila? Dahil puwedeng magbago ang tiwaling disposisyon nilang ito. Bagaman ibinubunyag nila ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon, at kaya nilang lumaban at maghimagsik laban sa Diyos, ito man ay sa loob ng mahaba o maikling panahon, ang epekto ng kanilang konsensiya, integridad, katwiran, at iba pa sa karakter nila ay pumipigil sa malupit nilang disposisyon na mangibabaw sa ugali at saloobin nila ukol sa katotohanan. Ano ang panghuling resulta? Nagagawa nilang ikumpisal ang mga kasalanan nila, magsisi, kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, magpasakop sa katotohanan, at tanggapin ang pamamatnugot ng Diyos, nang pawang walang reklamo. Sa kabila ng pagbubunyag ng malupit na disposisyon, ang huling kinalalabasan ay hindi sila naghihimagsik laban sa Diyos o sumasalungat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—nagpapasakop sila. Isa itong pagpapamalas ng isang ordinaryong tiwaling tao. May mga tiwaling disposisyon lang ang mga gayong tao; wala sila ng disposisyong diwa ng mga anticristo. Tumpak ito.
Halimbawa na lang ang mga buktot na disposisyon: Ano ang pinakabuktot na disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa harap ng Diyos? Ito ay ang pagsubok sa Diyos. Nag-aalala ang ilang tao na baka hindi maganda ang magiging hantungan nila, at baka hindi garantisado ang kalalabasan nila dahil naligaw sila ng landas, gumawa ng kaunting kasamaan, at nakagawa ng maraming pagsalangsang matapos manampalataya sa Diyos. Nag-aalala sila na mapupunta sila sa impiyerno, at palagi silang natatakot sa kalalabasan at hantungan nila. Palagi silang balisa, at palagi nilang iniisip, “Magiging maganda o masama kaya ang kalalabasan at hantungan ko sa hinaharap? Mapupunta ba ako sa impiyerno o sa langit? Isa ba ako sa mga tao ng diyos o isang tagapagserbisyo? Mamamatay ba ako o maliligtas? Kailangan kong matagpuan kung alin sa mga salita ng diyos ang nagtatalakay tungkol dito.” Nakikita nila na pawang katotohanan ang mga salita ng Diyos, at na inilalantad ng lahat ng ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi nila natatagpuan ang mga sagot na hinahanap nila, kaya patuloy silang nag-iisip kung saan pa puwedeng magtanong. Kalaunan, kapag nakakita sila ng pagkakataon para mapataas ang ranggo nila at mailagay sila sa isang mahalagang papel, gusto nilang pakiramdaman ang Itaas, iniisip nila: “Ano kaya ang opinyon ng itaas tungkol sa akin? Kung paborable ang opinyon nila, pinatutunayan nito na hindi na naaalala ng diyos ang mga kasamaang nagawa ko noon at ang mga pagsalangsang na nagawa ko. Pinatutunayan nito na ililigtas pa rin ako ng diyos, na may pag-asa pa rin ako.” Pagkatapos, ayon sa mga ideya nila, direkta nilang sinasabi, “Sa lugar namin, hindi gaanong bihasa ang karamihan ng kapatid sa mga propesyon nila, at saglit na panahon pa lang silang nananampalataya sa diyos. Ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa diyos. Bumagsak at nabigo ako, nagkaroon ako ng ilang karanasan at natuto ako ng ilang aral. Kung mabibigyan ng pagkakataon, handa akong magdala ng mabigat na pasanin at magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos.” Ginagamit nila ang mga salitang ito bilang pagsubok para makita kung may layunin ang Itaas na itaas ang ranggo nila, o kung inabandona na sila ng Itaas. Sa realidad, hindi talaga nila gustong akuin ang responsabilidad o pasaning ito; ang layon nila sa pagsasabi ng mga salitang ito ay para lang subukan ang kapaligiran, at tingnan kung may pag-asa pa silang maligtas. Pagsubok ito. Ano ang disposisyon sa likod ng pamamaraang ito ng pagsubok? Isa itong buktot na disposisyon. Gaano man katagal nabubunyag ang pamamaraang ito, paano man nila ito ginagawa, o kung gaano man ito ipinatutupad, ano’t anuman, tiyak na buktot ang disposisyong ibinubunyag nila, dahil marami silang iniisip, pag-aalinlangan, at pag-aalala sa buong panahon ng paggawa nito. Kapag ibinubunyag nila ang buktot na disposisyong ito, ano ang ginagawa nila na nagpapakita na sila ay mga taong may pagkatao at mga taong kayang isagawa ang katotohanan, at nagpapatunay na mayroon lang silang tiwaling disposisyon at hindi ng isang buktot na diwa? Pagkatapos gawin at sabihin ang mga gayong bagay, nakararamdam ng pagkaasiwa at kirot sa puso nila ang mga may konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad. Nahihirapan sila, iniisip nila, “Napakatagal ko nang nananampalataya sa Diyos; paano ko nagagawang subukin ang Diyos? Paanong iniintindi ko pa rin ang sarili kong hantungan, at paanong nagagawa kong gamitin ang gayong pamamaraan para may makuha ako mula sa Diyos at pilitin Siyang magbigay ng malinaw na sagot sa akin? Masyado itong ubod ng sama!” Hindi sila mapalagay sa puso nila, pero ang gawa ay nagawa na, at nasabi na ang mga salita—hindi na mababawi pa ang mga ito. Pagkatapos ay nauunawaan na nila, “Bagaman mayroon akong kaunting mabuting hangarin at pagpapahalaga sa katarungan, kaya ko pa ring gumawa ng gayong mga bagay na ubod ng sama; ito ang mga pakikitungo ng isang taong ubod ng sama! Hindi ba’t isa itong pagtatangka na subukin ang Diyos? Hindi ba’t pamumuwersa ito sa Diyos? Talagang ubod ito ng sama at walang kahihiyan!” Sa gayong sitwasyon, ano ang makatwirang hakbang na dapat gawin? Ang humarap ba sa Diyos sa panalangin, ikumpisal ang sariling mga kasalanan, o ang mapagmatigas na pagkapit sa sariling mga pamamaraan? (Manalangin at magkumpisal.) Kaya, sa buong proseso, mula sa sandaling naisipan nila ang ideya hanggang sa pagkilos nila, at hanggang sa panalangin at pangungumpisal nila, aling yugto ang normal na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon, sa aling yugto umeepekto ang konsensiya nila, at sa aling yugto naisasagawa ang katotohanan? Naiimpluwensiyahan ng isang buktot na disposisyon ang yugto mula sa pagbuo ng ideya hanggang sa pagkilos. Kaya, hindi ba’t naiimpluwensiyahan ng epekto ng konsensiya nila ang yugto ng pagsusuri sa sarili? Nagsisimula silang suriin ang sarili nila, nararamdaman na mali ang ginawa nila—naiimpluwensiyahan ito ng epekto ng konsensiya nila. Sumunod dito ay ang panalangin at pangungumpisal, na naiimpluwensiyahan din ng epekto ng integridad, konsensiya, at karakter nila; nagagawa nilang makaramdam ng pagsisisi, kagustuhang magbago, at nakakaramdam sila ng pagkakautang sa Diyos, at nagagawa rin nilang pagnilayan at unawain ang sarili nilang pagkatao at tiwaling disposisyon, at umaabot sa puntong kaya na nilang isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t may tatlong yugto ito? Mula sa pagbubunyag ng tiwaling disposisyon hanggang sa epekto ng konsensiya nila, at pagkatapos ay sa kakayahang bitiwan ang kasamaang ginagawa nila, magbago, bitiwan ang mga pagnanais at kaisipan ng sarili nilang laman, maghimagsik laban sa tiwaling disposisyon nila, at isagawa ang katotohanan—ang tatlong yugtong ito ang dapat na marating ng mga karaniwang tao na may pagkatao at mga tiwaling disposisyon. Dahil sa kamalayan ng konsensiya nila, at sa medyo mabuti nilang pagkatao, kayang isagawa ng mga taong ito ang katotohanan. Ipinahihiwatig ng kakayahang isagawa ang katotohanan na may pag-asang maligtas ang mga ganitong tao. Sa madaling salita, medyo mataas ang posibilidad na maligtas ang mga taong may mabuting pagkatao.
Ano ang pinagkaiba ng mga anticristo sa mga may disposisyon ng isang anticristo? Sa unang yugto, karaniwang parehong-pareho sa panlabas ang ibinubunyag ng mga anticristo sa mga ibinubunyag ng sinumang tiwaling tao, pero magkaiba ang susunod na dalawang yugto. Halimbawa, kapag nagbubunyag ng malupit na tiwaling disposisyon ang isang tao habang pinupungusan siya, sa susunod na hakbang ay kailangang umepekto ang konsensiya niya. Gayumpaman, walang konsensiya ang mga anticristo, kaya ano ang iisipin nila? Anong mga pagpapamalas ang tataglayin nila? Magrereklamo sila na hindi patas ang Diyos, pinaparatangan nila ang Diyos na naghahanap ng maipipintas sa kanila at na lumilikha Siya ng mga suliranin at problema para sa kanila sa bawat pagkakataon. Pagkatapos nito, matigas silang hindi magsisisi, tumatangging tanggapin kahit ang mga pinakahalata nilang pagkakamali o mga tiwaling disposisyon, hindi nila kailanman kinikilala ang sarili nilang mga pagkakamali, at pinalulubha pa nga nila ang mga bagay at sinusubukan ang lahat ng paraan para ipagpatuloy nang palihim ang mga ikinikilos nila. Batay sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo, ano ang karakter nila? Wala silang konsensiya, hindi nila alam kung paano suriin ang sarili nila, at nagbubunyag sila ng kalupitan, pagkamapaminsala, pangbabatikos, at paghihiganti. Nagsisinungaling sila para ikubli ang mga katunayan, inililipat ang responsabilidad sa iba; nag-iimbento sila ng mga pakana para siluin ang iba, itinatago sa mga kapatid ang mga katunayan; at masidhi nilang ipinagtatanggol at pinangangatwiranan ang sarili nila, ipinapakalat ang mga argumento nila kahit saan. Ito ang pagpapatuloy ng malupit nilang disposisyon. Bukod sa wala silang kamalayan ng konsensiya, at nabibigo silang suriin, pagnilayan, at unawain ang sarili nila, pinalulubha rin nila ang mga bagay-bagay at ipinagpapatuloy ang pagbubunyag ng malupit nilang disposisyon, nagrereklamo laban sa sambahayan ng Diyos, nagrereklamo at lumalaban sa mga kapatid, at ang mas masahol pa, sumasalungat sila sa Diyos. Pagkatapos ng ilang panahon kapag humupa na ang sitwasyon, magsisisi at aamin ba sila sa mga kasalanan nila? Bagaman tapos na ang insidente, nabunyag na ang mga katunayan, alam na alam ng karamihan na sa kanila ang pananagutan, at dapat sila ang managot—magagawa ba nilang kilalanin ito? Makakaramdam ba sila ng pagsisisi o pagkakautang? (Hindi.) Ipinipilit ang kanilang pagsalungat, iniisip nila, “Ano’t anuman, hindi ako nagkamali kahit kailan, pero kahit na nagkamali ako, maganda ang mga layunin ko; kahit na nagkamali ako, hindi puwedeng ako lang ang sisihin. Bakit hindi ninyo sisihin ang iba—bakit ako ang pinupuntirya ninyo? Saan ako nagkamali? Hindi ko naman sinadyang magkamali. Nagkamali na rin kayong lahat kaya bakit hindi ninyo pinapanagot ang sarili ninyo? Bukod pa rito, sino ang makakaraos sa buhay nang hindi nagkakamali? Nagsisisi ba sila?” Nakararamdam ba sila ng pagkakautang? Hindi sila nakararamdam ng pagkakautang at hindi sila nagsisisi. Sinasabi pa ng ilan, “Nagbayad ako ng napakalaking halaga—bakit walang sinuman sa inyo ang nakapansin? Bakit walang pumuri sa akin? Bakit hindi ako binigyan ng gantimpala? Kapag may nangyayari, palagi ninyo akong sinisisi at hinahanapan ng mali. Hindi ba’t naghahanap lang kayo ng sandata na magagamit laban sa akin?” Ito ang mentalidad at kalagayan nila. Malinaw na isa itong malupit na disposisyon—matigas silang hindi nagsisisi, tumatanggi silang kilalanin ang mga katunayan kapag inilatag na sa harap nila ang mga ito, at nagpipilit silang sumalungat. Bagaman hindi nila isinusumpa nang malakas ang sinuman, maaaring nagawa na nila ito sa loob-loob nila sa di-mabilang na pagkakataon—isinusumpa ang mga lider dahil sa pagiging bulag ng mga ito, isinusumpa ang mga kapatid dahil sa pagiging hindi mabubuting tao ng mga ito, at dahil sa pagsisipsip sa kanila noong may katayuan sila, pero hindi sila pinapansin, o hindi nakikipagbahaginan sa kanila, o hindi man lang sila nginingitian ngayon na nawala na ang katayuan nila. Isinusumpa pa nila ang Diyos sa puso nila, at hinuhusgahan nila ang Diyos, sinasabing hindi Siya matuwid. Mula simula hanggang wakas, malupit ang disposisyong ibinubunyag nila, walang kahit kaunting epekto ng konsensiya, at walang anumang pahiwatig ng pagsisisi o kagustuhang magbago. Siguradong wala silang layunin na bumalik, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, humarap sa Diyos para magkumpisal ng mga kasalanan at magsisi, o magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa halip, nagpupumilit silang nakikipagtalo, sumasalungat, at nagrereklamo. Nagbubunyag ng parehong mga tiwaling disposisyon kapwa ang mga anticristo at iyong mga may kakayahang magbago, pero hindi ba’t may pagkakaiba sa kalikasan ng mga pagbubunyag na ito? Alin sa mga grupong ito ang nagtataglay ng disposisyon ng isang anticristo, at alin ang nagtataglay ng diwa ng isang anticristo? (Nagtataglay ng diwa ng isang anticristo ang mga hindi nagsisisi.) Sino ang mga may kakayahang magsisi? Sila ay mga tiwaling tao na may disposisyon ng anticristo, pero hindi sila mga anticristo. Iyong mga may diwa ng isang anticristo ang mga anticristo, habang mga ordinaryong tiwaling tao ang mga may disposisyon ng isang anticristo. Sa dalawang iyon, aling grupo ang binubuo ng masasamang tao? (Iyong mga may diwa ng isang anticristo.) Kaya ninyong makilatis ito, tama ba? Depende ito sa kung aling grupo ang walang bakas na inuusig sila ng konsensiya nila, ang nagpipilit na nakikipagtalo nang hindi nagbabago o nagninilay-nilay, at walang habas na nanghuhusga at ipinapakalat ang mga argumento nila kapag nakakagawa sila ng mali at nahaharap sa mga sitwasyon tulad ng pagpupungos, pagpapalit o pagdidisiplina, at iba pa. Kung walang pipigil sa kanila, titigil ba sila sa ginagawa nila? Hindi. Mapupuno ng pagkanegatibo at pagsalungat ang puso nila, at sasabihin nila, “Dahil hindi naman ako tinatrato nang patas ng mga tao, at hindi ako binibigyan ng diyos ng biyaya o hindi siya kumikilos para sa akin, iraraos ko na lang ang paggawa ng tungkulin ko sa hinaharap. Kahit gawin ko nang maayos ang tungkulin ko, hindi ako makakatanggap ng mga gantimpala, walang pupuri sa akin, at pupungusan pa rin ako, kaya gagawin ko na lang ito nang pabasta-basta. Huwag kayong magtangkang hilingin sa akin na pangasiwaan ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyo, o na makipagtalakayan at makipagtulungan sa iba sa gawain ko, o na hanapin ang katotohanan! Mananatili akong walang pakialam, hindi mayabang ni mapagpakumbaba. Kung hihilingin ninyo sa akin na gawin ang isang bagay, gagawin ko ito; kung hindi ninyo hihilingin sa akin na gumawa ng isang bagay, aalis na lang ako. Gawin ninyo ang anumang gusto ninyo; magiging ganito lang ako. Huwag ninyo akong hingan ng labis; kung mataas ang mga hinihingi ninyo, babalewalain ko ang mga ito.” Hindi ba’t pagpapatuloy ito ng isang malupit na disposisyon? Magagawa bang magbago ng mga gayong tao? (Hindi nila kaya.) Isa itong pagpapamalas ng mga taong may diwa ng isang anticristo. Ganito rin kapag nagbubunyag ang isang anticristo ng buktot na disposisyon, hindi rin sila nagninilay-nilay kahit kailan dahil wala silang konsensiya. Anuman ang tiwaling disposisyong ibinubunyag nila o anuman ang mga hangarin, pagnanais, at ambisyon na mayroon sila kapag may nangyayari sa kanila, hindi sila pinipigilan ng konsensiya nila kahit kailan. Kaya, kapag tama ang tiyempo at pabor ito sa kanila, ginagawa nila ang gusto nila. Anuman ang kinalalabasan ng mga kilos nila, hindi sila nagbabago, at patuloy pa rin silang kumakapit sa mga pananaw nila at pinanghahawakan nila ang mga ambisyon, pagnanais, at hangarin nila, pati na rin ang mga diskarte at pamamaraan ng paggawa nila sa mga bagay-bagay, nang walang anumang panunumbat sa sarili. Bakit hindi sila nakararamdam ng panunumbat sa sarili? Dahil ang mga gayong tao ay walang konsensiya, wala silang pagpapahalaga sa dangal, at wala silang kahihiyan; sa kaibuturan ng buong pagkatao nila, walang makapipigil sa mga tiwaling disposisyon nila, at wala silang magagamit para suriin kung tama o mali ba ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila. Kaya, kapag nagbubunyag ng buktot na disposisyon ang mga taong ito, anuman ang pananaw rito ng iba o anuman ang proseso at kalalabasan, mula simula hanggang wakas, hindi sila nakararamdam ng panunumbat sa sarili, ng kalungkutan, ng pagsisisi, ng pagkakautang, at sa puso nila, tiyak na hindi sila nagbabago. Mga anticristo ang mga ito. Batay sa dalawang halimbawang ito, ano ang pinakamalinaw na katangian ng mga anticristo? (Ang kawalan nila ng konsensiya at katwiran.) Anong uri ng pagpapamalas ang bunga ng kawalan ng konsensiya at katwirang ito? Ano ang resulta ng mga disposisyong ibinubunyag nila? (Hindi nila kayang magnilay o magbago.) Makapagsasagawa ba ng katotohanan ang mga hindi kayang magnilay o magbago? Hindi kailanman!
Ang isang tao na mayroon lamang disposisyon ng isang anticristo ay hindi makaklasipika bilang, sa diwa, isang anticristo. Yaon lamang mga may kalikasang diwa ng mga anticristo ang tunay na mga anticristo. Para makatiyak, may mga pagkakaiba sa pagkatao ang dalawa, at sa ilalim ng pamamahala ng iba’t ibang uri ng pagkatao, ang mga saloobing kinikimkim ng mga tao patungkol sa katotohanan ay hindi rin magkakapareho—at kapag hindi magkakapareho ang mga saloobing kinikimkim ng mga tao patungkol sa katotohanan, magkaiba ang mga landas na pinipili nilang tahakin; at kapag magkaiba ang mga landas na pinipiling tahakin ng mga tao, ang ibinubungang mga prinsipyo at kahihinatnan ng kanilang mga kilos ay mayroon ding mga pagkakaiba. Dahil ang isang taong may disposisyon lang ng isang anticristo ay may konsensiya sa trabaho, at may katwiran, at may pagpapahalaga sa dangal, at, kahit papaano, ay nagmamahal sa katotohanan, kapag naibubunyag niya ang kanyang tiwaling disposisyon, sinusumbatan niya ang kanyang sarili hinggil dito. Sa gayong mga pagkakataon, maaari niyang pagnilayan ang kanyang sarili at kilalanin ang kanyang sarili, at maaari niyang aminin ang kanyang tiwaling disposisyon at ang pagbubunyag ng kanyang katiwalian, sa gayon ay nagagawa niyang maghimagsik laban sa laman at sa kanyang tiwaling disposisyon, at natututo siyang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Gayunman, sa isang anticristo, hindi ganito ang nangyayari. Dahil wala siyang konsensiya sa trabaho o tapat na kamalayan, at lalong wala siyang pagpapahalaga sa dangal, kapag nagbubunyag siya ng kanyang tiwaling disposisyon, hindi niya sinusukat ayon sa mga salita ng Diyos kung tama ba o mali ang kanyang pagbubunyag, o kung tiwali ba ang kanyang disposisyon o normal ang kanyang pagkatao, o kung naaayon ba ito sa katotohanan. Hindi niya pinagninilayan ang mga bagay na ito kailanman. Kaya, paano siya kumikilos? Palagi niyang iginigiit na ang tiwaling disposisyong naibubunyag niya at ang landas na pinili niya ay ang tama. Iniisip niya na anumang gawin niya ay tama, na anumang sabihin niya ay tama; determinado siyang panghawakan ang sarili niyang mga pananaw. Kaya, gaano man kalaki ang kamaliang ginagawa niya, gaano man kalubha ang tiwaling disposisyon na naibunyag niya, hindi niya kikilalanin ang bigat ng bagay na iyon, at tiyak na hindi niya nauunawaan ang tiwaling disposisyon na naibunyag niya. Siyempre pa, hindi rin niya isasantabi ang kanyang mga hangarin, o hindi siya maghihimagsik laban sa kanyang ambisyon o sa kanyang tiwaling disposisyon para piliin ang landas ng pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan. Makikita mula sa dalawang magkaibang kalalabasang ito na kung ang isang taong may disposisyon ng isang anticristo ay nagmamahal sa katotohanan sa puso niya, may pagkakataon siyang maunawaan ito at isagawa ito, at magtamo ng kaligtasan, samantalang ang taong may diwa ng isang anticristo ay hindi mauunawaan ang katotohanan o maisasagawa ito, ni hindi siya magtatamo ng kaligtasan. Iyan ang pagkakaiba ng dalawa.
III. Ang Disposisyong Diwa ng mga Anticristo
Ang pangunahin pa ring pokus ng pagbabahaginan natin ngayon ay para ibuod kung ano nga ba talaga ang disposisyong diwa ng mga anticristo. Sa anim na tiwaling disposisyon ng mga tao na tinalakay natin, aling tatlo ang mas akmang ginagamit para iklasipika ang mga taong may disposisyong diwa ng mga anticristo? (Pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan.) Dahil pinaliit na natin ang saklaw sa tatlong ito, hindi magiging bahagi ng pagbabahaginan na ito ang naunang tatlo. Kung gayon, wala bang mga tiwaling disposisyon ng pagiging mapagmatigas, pagmamataas, at panlilinlang ang mga taong may disposisyong diwa ng mga anticristo? (Hindi.) Kung gayon, bakit hindi gamitin ang naunang tatlo para iklasipika ang disposisyong diwa ng mga anticristo? (Dahil taglay rin ng mga karaniwang tiwaling tao ang naunang tatlo, at hindi kinakatawan ng mga ito ang diwa ng isang tao.) Isa itong napakatumpak na pagbubuod. Kaugnay sa paksa ng disposisyong diwa, medyo mas magaan sa antas ang naunang tatlong tiwaling disposisyon, samantalang ang huling tatlo ang tunay na makakapagbuod ng disposisyong diwa ng mga anticristo—pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan. Mas tumpak na maikaklasipika ng tatlong tiwaling disposisyong ito ang disposisyong diwa ng mga anticristo. Bagaman hindi ginagamit ang naunang tatlo para iklasipika ang diwa ng mga anticristo, nasa isang anticristo ang bawat isa sa tatlong tiwaling disposisyong iyon, at mas malubha ang mga ito kaysa nasa mga karaniwang tao. Ang pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan ay lahat puwedeng gamitin para ibuod at ilarawan ang pagiging mapagmatigas nila, at para ilarawan ang antas ng pagiging mapagmatigas nila. Gayundin, puwede ring gamitin ang huling tatlong disposisyon para ibuod at ilarawan ang pagmamataas at panlilinlang nila. Maliwanag na ang mga pangunahing katangian ng disposisyong diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan.
A. Kabuktutan
Sa tatlong tiwaling disposisyong ito—pagiging tutol sa katotohanan, kalupitan, at kabuktutan—ang kabuktutan ang pinakakomprehensibong pagbubuod ng disposisyon sa disposisyong diwa ng isang anticristo, at ito ang pinakakaraniwan sa disposisyong diwa ng isang anticristo. Bakit ginagamit ang kabuktutan para ilarawan ang disposisyong diwa ng isang anticristo? Kung sinasabing talagang buktot ang mga anticristo, kung gayon, batay sa mga iniisip nila, ano ang iniisip, sinasabi, at ginagawa nila araw-araw na nagpapatunay na sila ay mga taong may buktot na diwa? Hindi ba’t isa itong tanong na dapat pagnilayan? (Oo.) Kung gayon, dapat tayong magsimula ng pagsusuri at pagmamasid mula sa iniisip nila, sa pananalita at ugali nila, at kung paano sila umasal at makitungo sa mundo, para matukoy kung talagang umiiral ang buktot na diwa sa mga taong ito. Tingnan muna natin kung ano ang iniisip ng mga anticristo araw-araw. Iniisip ng ilang tao sa puso nila: “Sa grupong ito ng mga tao, hindi ako ang itinuturing na pinakamagaling, ni hindi ako ang may pinakamusay na mga kaloob, kaya paano ako magiging mas popular, paano ko makukuha ang pagpapahalaga ng lahat, paano ako magdadala ng karangalan sa mga ninuno ko, at magiging banal? Paano ko mahihimok ang iba at mahihikayat silang makinig at humanga sa akin? Mukhang maganda ang magkaroon ng katayuan. May ilang taong talagang may prestihiyo sa pagsasalita nila, at kapag may mga isyu ang ibang tao, sa kanila pumupunta ang mga ito—bakit walang lumalapit sa akin? Bakit walang nakakapansin sa akin? May utak naman ako, mga ideya, isang sistematikong paraan sa aking mga kilos, at may kakayahan akong humusga sa mga usapin—bakit walang pumapansin sa akin o tumitingala sa akin? Kailan ako mangingibabaw sa iba? Kailan lalapit ang lahat sa akin para humingi ng tulong at katigan ako?” Ano ang iniisip ng mga taong ito? Mga positibo ba o mga negatibong bagay ang iniisip nila? (Mga negatibong bagay.) Kapag nakikita ng ilang tao na may magandang ugnayan sa isa’t isa ang ibang tao, iniisip nila: “Bakit napakaganda ng ugnayan nila? Kailangan kong humanap ng paraan para maghasik ng sigalot at sirain ang ugnayan nila; sa ganitong paraan, hindi ako mag-iisa at magkakaroon ako ng kasama.” Ano ang ginagawa ng mga taong ito? Anuman ang paraang ginagamit nila, nauuwi ang lahat ng ito sa paghahasik ng sigalot. Kapag nakakakita sila ng isang taong gumagawa sa tungkulin nito nang masigla at masigasig, at nagtatamo ito ng liwanag anuman ang ginagawa nito habang gumagampan sa tungkulin nito, naiinggit sila at pinag-iisipan nila kung paano pababagsakin ang taong ito, kung paano ito bubuhusan ng malamig na tubig at gagawing negatibo ang pakiramdam nito. Ang mga kaisipang ito, isinasagawa man o hindi, ay mga negatibong kaisipan. Mayroon ding mga nag-iisip: “Paano ako tinitingnan ng bagong halal na lider? Kailangan kong mapalapit sa lider na ito. Hindi maganda ang ugnayan namin, at hindi kami masyadong malapit sa isa’t isa, kaya paano ako magpapalakas sa kanya? May kaunti akong pera, kaya aalamin ko kung ano ang kailangan niya at bibilhin ko ito para sa kanya. Pero kung kailangan niya ng computer, hindi ako handang gumastos ng ganoong halaga; kung sakaling hindi na siya magiging lider sa hinaharap, hindi ba’t masasayang lang ang perang iyon? Kung tulad ng guwantes o damit ang kailangan niya, kaya ko iyong bilhin, at sulit naman ang gastos doon. Dapat gastusin ang pera sa mga tamang bagay, hindi nang maaksaya. Kailangan ko ring bolahin at pasiyahin ang lider hindi lang gamit ang mga salitang walang kabuluhan kundi gamit ang mga totoong pagkilos—kailangan kong magmatyag kung ano ang gusto ng lider na ito. Bukod dito, tutulong ako sa paghahain ng pagkain ng lider araw-araw kapag oras na ng pagkain at huhugasan ko ang mga pinagkainan niya pagkatapos niyang kumain. Kung pinupuna ng lider ang isang tao, gagaya ako at sasang-ayon sa kanya; kung pinupuri ng lider ang isang tao, agad kong irerekomenda ang taong iyon at pupurihin ang mga kabutihan niya.” Ano ang iniisip ng mga taong ito? (Pagpapalugod sa lider at pagsisipsip dito.) Mayroon ding mga tao na, habang gumagawa sa sambahayan ng Diyos, nag-iisip sila: “Masigasig at seryosong gumagawa ang iba; kailangan kong maging matalino, hindi ako puwedeng maging hangal, at hindi ko puwedeng pagurin nang husto ang sarili ko. Kung hindi na ako kailangan ng sambahayan ng diyos sa hinaharap, hindi ba’t masasayang lang ang pagsisikap na ito? Hindi ba’t mawawalang saysay ang pagtatrabaho ko nang husto? Pero kung hindi man lang ako gagawa, palalayasin ako ng sambahayan ng diyos. Ano ang dapat kong gawin? Kapag nariyan ang lider, magtatrabaho ako nang husto, magpapawis, at hahayaan kong makita ito ng lider; kapag wala ang lider, pupunta ako sa banyo, iinom ng tubig, maglalakad-lakad, o maghahanap ng sulok para doon magpahinga. Kung naghuhukay ang iba ng tatlong pala ng lupa, kalahating pala ng lupa lang ang huhukayin ko; kung pabalik-balik ang iba nang tatlo o limang beses sa pagbubuhat ng mga bagay, gagawin ko ito nang isang beses lang. Magpapahinga at magpapakatamad ako kung kailan pupuwede. Hindi ako dapat maging seryoso; kung magkakasakit ako o mapapagod ako sa sobrang pagtatrabaho, sino ang maaawa sa akin? Sino ang mag-aalaga sa akin kapag may sakit ako? Aalagaan ba ako ng lider? Aalagaan ba ako ng diyos? Pananagutan ba ng diyos ang mga bagay na ito? Kaya, habang nagtatrabaho, kailangan kong alamin kung saan ako pinakamapapansin. Kapag gusto kong magpahinga, kailangan kong alamin kung saan ako pinakahindi mahuhuli, kung saan ako pinakahindi mapapansin.” Ano ang iniisip ng mga taong ito? (Pagpapakatamad at pagiging tuso.)
1. Kung Ano ang Ginagawa ng mga Anticristo sa mga Tao
Ano ang karakter ng mga tao na mga buktot na bagay ang iniisip buong araw? May mababang integridad at tuso ang karakter nila. Kung pagbabatayan ang disposisyon nila, ano ito? (Kabuktutan.) Mayroon bang anumang matuwid sa kalikasan ng mga bagay na ito na iniisip nila? Mayroon bang anuman na mukhang marangal, bukas, at tapat? Mayroon bang anumang mabuti? (Wala, wala talaga.) Kaya, sa pagbubuod, ang unang bagay na naipapamalas sa buktot na disposisyon ng mga taong may diwa ng isang anticristo ay na pawang kasamaan ang iniisip nila buong araw. Nahaharap man sila sa malaki o maliit na isyu, puno ng kasamaan ang mga isipan nila. Partikular na, gumagawa sila ng ilang bagay sa mga tao, at mayroon din silang iba’t ibang pagpapamalas at pagsasagawa patungkol sa Diyos. Kung gayon, ano ang mga bagay na ginagawa nila sa mga tao? Anong mga uri ng mga pagsasagawa ang binubuo nila sa kanilang isipan? Sa ilang halimbawang kababanggit lang, nakikita ba ninyo kung paanong laging nagpapakana sa iba ang ganitong uri ng tao? Wala silang tigil sa pagpapakana, at nagiging pakay ng mga pakana nila ang sinumang pinakikitunguhan o nakakasalamuha nila. Pangalawa, kahit na hindi sila nagsasalita minsan kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, hindi tunay ang mga gawi, pamamaraan, at pinagmumulan ng mga kilos nila, at hindi nila isinasagawa ang katotohanan—isa lamang itong ilusyon. Ano ang kalikasan nito, at ano ang pagsasagawang ito? Panlalansi at pagpapanggap ito, at tinutukso rin nila ang iba. Dahil kaya nilang magpanggap at mandaya ng mga tao, kaya rin ba nilang akitin at ilihis ang mga tao? (Oo, kaya nila.) Bukod pa rito, ang ganitong uri ng tao ay laging nakikipag-agawan sa iba para sa katayuan, reputasyon, dangal, at sa sarili nilang mga interes. Nakikipaglaban sila para sa kasikatan, sa kung sino ang may huling salita, kung sino ang may mas maraming ideya, kung kaninong mga opinyon ang mas matalino at makatwiran, kung sino ang mas kinikilala ng lahat, at kung sino ang makakakuha ng mas maraming pakinabang—ito ang ipinaglalaban nila. Kahit wala silang katayuan, nagpapakana pa rin sila laban sa mga tao nang ganito; kaya paano kapag may katayuan sila? Kung magkagayon, laging pinahihirapan ang mga tao sa ilalim ng pamumuno nila; inaakit at kinukuha nila ang loob ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan, at inaatake at iniiwasan ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan, nang may layuning hikayatin na makinig at sumunod sa kanila ang lahat; palagi silang bumubuo ng mga paksyon at naghahasik ng alitan sa mga pangkat, at sa huli, ginagawa nilang pag-aari nila ang lahat ng tao. Nasasaklaw ng pagpapahirap nila ang lahat ng bagay na ito. Buong araw na nag-iisip ng kasamaan ang mga anticristo, at masama ang bawat disposisyon na ibinubunyag nila. Kaya, tumpak bang sabihin na buktot ang disposisyon ng mga gayong tao? (Oo.) Sa isang grupo kung saan alam ng lahat ang lugar nila, ginagawa ang sarili nilang gawain, at ginagawa ang nararapat nilang gawin, sa sandaling lumitaw ang isang anticristo, naghahasik sila ng alitan mula sa loob, nagsasalita ng masama tungkol kay taong A sa harap ni taong B at kabaligtaran, pinag-aaway ang dalawang ito. Hindi ba’t ito ang resulta ng paghahasik ng alitan? Kung gayon, ano ang ilang pagpapamalas ng pagpapakana ng isang anticristo? Halimbawa, kapag may halalan sa iglesia, puwedeng mag-isip ang mga ordinaryong tao na walang ambisyon, “Sino man ang mahalal, magpapasakop ako rito; susuportahan ko sino man ang pinapayagan ng Diyos na maging lider, at hindi ako manggugulo o magdudulot ng problema.” Pero hindi ganito mag-isip ang may masasamang hangarin. Kapag nakita nilang wala silang pag-asang manalo sa halalang ito, nagsisimula silang magkalkula sa puso nila: “Kailangan kong bilhan ang lahat ng ilang magandang bagay. Ano ang wala sa iglesia sa mga araw na ito? Bibili ako ng air purifier at ilalagay ko ito sa lugar ng pagtitipon para kapag nakakasinghot ang lahat ng sariwang hangin, maiisip nila ako. Sa ganitong paraan, kapag dumating ang oras ng halalan, hindi ba’t ako ang unang kandidato na maiisip nila? Kaya, hindi mawawalan ng saysay ang pagkilos ko o paggastos ko ng pera.” Nang maisip nila ito, agad nilang bibilhin ang pinakamura pero pinakamagandang tingnan na air purifier. Dagdag pa rito, iniisip nila: “Sa panahon ngayon, kailangan kong maging maingat. Hindi ako dapat magsabi ng mga maling bagay, at hindi ako dapat magsabi ng mga bagay na negatibo at hindi nakakapagpatibay sa mga tao; kailangan kong mambola sa tuwing makakasalubong ko ang mga tao at madalas na purihin ang iba sa pagsasabi ng mga bagay tulad ng, ‘Ang ganda ng hitsura mo! Talagang hinahangad mo ang katotohanan! Kahit mas matagal na akong nananalig sa Diyos kaysa sa iyo, mas hinahangad mo ang katotohanan kaysa sa akin. Mabuti ang pagkatao mo, at maliligtas ang mga taong may mabuting pagkatao tulad mo—hindi tulad ko.’ Dapat magmukha akong mapagpakumbaba at purihin ang iba bilang mas mahusay kaysa sa akin sa lahat ng aspekto, ipinararamdam sa iba na nakatanggap sila ng sapat na pagrespeto.” Hindi ba’t pagpapakana ito? Ginagawa ng mga anticristo ang mga gayong bagay nang walang kahirap-hirap; hindi sila kayang talunin ng mga ordinaryong tao sa mga pagpapakana nila. Ano ang kasabihan ng mga walang pananampalataya? (Ibinenta ka ng isang tao pero tinulungan mo pa siyang bilangin ang pera.) Ginagawa ng mga anticristo ang mga gayong bagay, at karamihan sa mga tao ang pakay ng pagtataksil at pagpapakana nila.
Sabihin mo sa Akin, tinatanggap ba ng mga anticristo ang pagpupungos? Inaamin ba nila na may tiwaling disposisyon sila? (Hindi, hindi nila ito inaamin.) Hindi nila inaamin na may tiwali silang disposisyon, pero pagkatapos silang mapungusan, nagkukunwari pa rin sila na kilala nila ang kanilang sarili. Sinasabi nila na sila ay isang diyablo at isang Satanas, walang pagkatao at mahina ang kakayahan, at na hindi nila kayang lubos na isaalang-alang ang mga bagay, hindi sila angkop sa mga gawain na isinaayos ng iglesia, at hindi nila nagawa nang maayos ang mga tungkulin nila. Pagkatapos, sa harap ng karamihan ng mga tao, inaamin nila ang mga tiwaling disposisyon nila, inaamin nila na isa silang diyablo, at sa huli, sinasabi rin nila na pagpipino at pagliligtas ito ng Diyos sa kanila, ipinakikita sa mga tao kung gaano sila kahanda na tanggapin ang pagpupungos at kung gaano sila kamapagpasakop sa katotohanan. Hindi nila binabanggit kung bakit sila pinupungusan o ang pinsala at mga kawalan na idinulot ng mga kilos nila sa gawain ng iglesia. Iniiwasan nila ang mga isyung ito at nagsasalita sila ng mga salitang walang kabuluhan, mga doktrina, mga panlilinlang, at mga paliwanag para magkamali ang mga tao ng interpretasyon na hindi karapatdapat at hindi patas ang pagpupungos na natatanggap nila mula sa sambahayan ng Diyos, na parang nagdusa sila ng malaking kawalan ng katarungan. Pagkatapos nilang mapungusan, nananatiling matigas ang puso nila, hindi kinikilala kahit kaunti ang alinman sa iba’t ibang masasamang gawa nila. Kaya, ano ba ang mga salitang ito na pinagbahaginan nila tungkol sa pag-amin sa tiwaling disposisyon nila, sa pagiging handang tanggapin ang katotohanan, at sa kakayahang magpasakop sa pagpupungos? Ang mga ito ba ang mga tunay nilang damdamin? Talagang hindi. Pawang kasinungalingan, pagpapanggap, at maladiyablong salita ang mga ito na layong ilihis at akitin ang mga tao. Ano ang pakay nila sa panlilihis sa mga tao? (Para sumamba at sumunod sa kanila ang mga tao.) Mismo, ito ay para ilihis at akitin ang mga tao na sumunod at makinig sa kanila, para isipin ng lahat na tama at mabuti sila. Sa ganitong paraan, walang nakakakilatis o sumasalungat sa kanila. Sa kabaligtaran, naniniwala ang mga tao na isa silang taong tumatanggap sa katotohanan, tumatanggap sa pagpupungos, at nagsisisi. Kaya, bakit hindi nila inaamin ang masasamang gawa nila o kinikilala ang mga kawalan na idinulot nila sa gawain ng sambahayan ng Diyos? Bakit hindi nila inilalahad ang mga usaping ito para mapagbahaginan? (Kung sasabihin nila ang mga bagay na ito, makikilatis sila ng mga tao.) Kung makikilatis sila ng mga tao, makikilala silang mabuti, at makikita ang tunay nilang pagkatao at disposisyong diwa, tatalikdan sila ng mga ito. Mahuhulog pa rin ba ang mga tao sa panlalansi nila at malilihis pa ba nila ang mga ito? Patuloy pa rin ba silang bibigyan ng mataas na pagpapahalaga ng mga ito? Patuloy pa rin ba silang pupurihin nang husto ng mga ito? Patuloy pa rin ba silang sasambahin ng mga ito? Hindi gagawin ng mga tao ang alinman dito. Nagpapanggap ang mga anticristo na kilala nila ang sarili nila, pero sa realidad, panlilinlang at pagpapaliwanag ng sarili ang lahat ng ito, lahat ay para ilihis ang mga tao at himukin ang mga tao na ipagtanggol sila, na siyang natatago nilang motibo. Iniiwasan nila ang mahahalagang usapin at kaswal nilang tinatalakay ang pagkilala nila sa sarili at pagtanggap ng pagpupungos para ilihis at akitin ang mga tao, para pahalagahan at sambahin sila ng mga tao. Hindi ba’t napakabuktot ng pamamaraang ito? Talagang nalilinlang dito ang ilang tao, at pagkatapos na mailihis ng mga anticristo, sinasabi nila, “Ang galing magsalita ng taong iyon—labis akong naantig. Ilang beses akong naiyak!” Sa oras na iyon, labis silang sinasamba at pinahahalagahan ng mga taong ito, pero sa huli lumalabas na anticristo pala sila; ito ang kinahihinatnan ng panlilihis at pang-aakit ng mga anticristo sa ibang tao. Kayang ilihis ng mga anticristo ang mga tao sa ganitong paraan, at tiyak na maraming nalilihis at naloloko nito. Kung makikilatis ng isang tao ang mga anticristo sa usaping ito, kung gayon ay isa silang taong nakauunawa sa katotohanan at may pagkilatis.
Madalas pinapahirapan ng mga anticristo ang mga tao. Mayroon silang sikat na kasabihan, ito ay: “Mga minamahal, dahil hindi kayo sumusuko sa akin, padadapain ko kayo at pasasambahin sa akin sa ilang galaw lang—kung hindi kayo susuko, ilalagay ko kayo sa death row!” Ano ang gustong gawin ng mga anticristo? Gusto nilang pahirapan ang mga tao. Anong uri ng tao ang gusto nilang pahirapan? Kung susunod ka sa kanila, sisipsip sa kanila, at sasamba sa kanila, papahirapan ka ba nila? Kung kimi at masunurin ka sa kanila, kung nakikita nila na hindi ka isang banta, na madali kang utuin o isa kang alipin, hindi ka nila pahihirapan. Kung gumawa sila ng masama o ng masasamang gawain, kung may makikita silang taong nakakakilatis sa kanila, na maglalantad at magbubuking sa kanila, na magpapaalis sa kanila sa posisyon nila, na sisira sa reputasyon nila at pipigilan ang mga kilos nila, mag-iisip sila kung paano pahihirapan ang taong iyon. Hindi basta-basta pinahihirapan ng mga anticristo ang mga tao; sa halip, palagi nilang pinagmamasdan at sinusubukan ang mga tao, tinitingnan nila kung sino ang nagsasalita ng masama laban sa kanila kapag nakatalikod sila, kung sino ang hindi sumusuko sa kanila, sino ang kumikilatis sa mga kilos nila, sino ang hindi pumapansin sa kanila, at sino ang tumatangging maging malapit sa kanila. Pagkatapos magmasid sa loob ng ilang panahon at kapag nakakita sila ng dalawa o tatlong gayong indibiduwal, nagsisimula silang magbahagi tungkol sa mga isyu ng mga taong ito sa mga pagtitipon. Kahit na tila tama ang sinasabi nila sa panlabas, sa realidad, may pinupuntirya ito, may dahilan at layon. Ano ang dahilan? Nakapag-imbestiga na sila nang lubusan; hindi sumusuko sa kanila ang mga indibiduwal na ito, at kinikilatis sila ng mga ito, palagi silang sinusubukang ilantad at ibuking ng mga ito, para mapatalsik sila sa posisyon. Sinasabi nila ang mga bagay na ito para bigyan ng babala ang mga indibiduwal na iyon, para paalalahanan ang mga ito. Kung umatras ang mga taong ito at hindi na mangahas na magpatuloy, at umayon ang lahat ng bagay ayon sa kagustuhan ng mga anticristo, hindi na nila papansinin ang mga ito. Pero kung magpapatuloy gaya nang dati ang mga indibiduwal na ito, tumatangging maging malapit sa kanila at naglalayon pa rin na ibuking sila, iulat sila sa Itaas, at patalsikin sila sa posisyon nila, ang mga ito ang nagiging susunod na puntirya ng pagpapahirap ng mga anticristo. Nag-iisip sila ng ibang diskarte, at gumagamit ng mas mabibigat at mas matitinding pamamaraan, sinusubukan nilang makaisip ng mga paraang magagamit laban sa mga ito at makahanap ng mga pagkakataong pahirapan ang mga ito, hindi tumitigil hangga’t hindi nila napapatalsik ang mga ito mula sa iglesia. Ganito pinahihirapan ng mga anticristo ang mga hindi sumasang-ayon sa kanila, at hindi sila titigil hangga’t hindi nila nakakamit ang layunin nila. Walang awa ang mga pamamaraan ng pagpapahirap na ginagamit ng mga anticristo. Nagsisimula sila sa paghahanap ng dahilan at pagbabansag sa mga tao, at pagkatapos ay sinisimulan na nilang pahirapan ang mga ito, hindi sila tumitigil hangga’t hindi ganap na sumusunod at sumusuko ang mga tao sa kanila—kung hindi, hindi pa tapos ang pagpapahirap. Sa iglesia, patuloy na naghahasik ng sigalot at bumubuo ng mga pangkat ang mga anticristo, pakay nilang lumikha ng isang paksyon at kontrolin ang iglesia. Hindi ba’t karaniwan na itong nangyayari? Ang mga anticristo ay bumubuo ng mga pangkat, naghahasik ng sigalot, umaakit ng mga tagasuporta, nakikipagsabwatan sa mga kapaki-pakinabang sa kanila, na puwedeng magsalita para sa kanila, pagtakpan ang masasamang gawa nila, at ipagtanggol sila sa mahahalagang sandali. Hinihimok nila ang mga taong ito na gumawa ng mga bagay para sa kanila, iulat pa nga ang iba at maging mga mensahero nila. Kung may katayuan sila, nagiging kanilang nagsasariling kaharian ang grupong ito. Kung wala silang katayuan, bumubuo sila at ang grupo nila ng isang puwersa sa loob ng iglesia, na gumugulo at nakakaabala sa normal na kaayusan ng iglesia, at gumugulo sa normal na buhay at gawain ng iglesia.
Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo ay na talagang mahusay sila sa pagpapanggap at pagpapaimbabaw. Sa kabila ng napakalupit, mapanlinlang, walang awa, at mayabang na disposisyon nila, sa panlabas ay ipinipresenta nila ang kanilang sarili bilang sobrang mapagpakumbaba at mabait. Hindi ba’t pagpapanggap ito? Araw-araw na nagninilay-nilay sa puso nila ang mga taong ito, iniisip nila, “Anong klase ng damit ang dapat kong isuot para magmukha akong mas Kristiyano, mas matuwid, mas espirituwal, mas may malasakit, at mas tulad ng isang lider? Paano ako dapat kumain para iparamdam sa mga tao na pino, elegante, may dignidad, at marangal ako? Ano ang dapat maging estilo ng paglakad ko para magmukha akong lider at may karisma, para magmukha akong katangi-tanging tao at hindi karaniwan? Sa pakikipag-usap ko sa iba, anong tono, mga salita, hitsura, at mga ekspresyon ng mukha ang makakapagparamdam sa mga tao na mataas ang uri ko, tulad ng isang elitista o isang intelektwal na may mataas na ranggo? Ano ang dapat kong gawin sa pananamit, estilo, pananalita, at ugali ko para igalang ako ng mga tao, para makapag-iwan ako ng di-malilimutang impresyon sa kanila, at matiyak ko na mananatili ako sa puso nila magpakailanman? Ano ang dapat kong sabihin para makuha ang loob ng mga tao at mapasaya ang puso nila, at para makapag-iwan ako ng pangmatagalang impresyon? Kailangan kong gumawa ng higit pa para tumulong sa iba at magsalita ng maganda tungkol sa kanila, dapat madalas akong magsalita tungkol sa mga salita ng diyos at gumamit ng ilang espirituwal na terminolohiya sa harap ng mga tao, mas madalas magbasa ng mga salita ng diyos sa iba, manalangin nang mas madalas para sa kanila, magsalita nang mahina para makinig nang mas mabuti ang mga tao sa akin, at para iparamdam sa kanila na banayad, mapagmalasakit, mapagmahal, mapagbigay, at mapagpatawad ako.” Hindi ba’t pagpapanggap ito? Ito ang mga kaisipan na umookupa sa puso ng mga anticristo. Ang pumupuno sa mga isipan nila ay walang iba kundi ang mga kalakaran ng mga walang pananampalataya, na ganap na nagpapakita na nabibilang sa mundo at kay Satanas ang mga kaisipan at pananaw nila. Maaaring palihim na manamit ang ilang tao nang gaya ng isang babaeng mababa ang lipad o malandi; partikular na tumutugma ang pananamit nila sa masasamang kalakaran at lubha itong moderno. Gayumpaman, kapag pumupunta sila sa iglesia, ibang-iba ang pananamit at asal nila kapag kasama ang mga kapatid. Hindi ba’t lubha silang bihasa sa pagpapanggap? (Oo.) Ang iniisip ng mga anticristo sa puso nila, ang ginagawa nila, ang iba’t ibang pagpapamalas nila, at ang mga disposisyong ibinubunyag nila ay pawang nagpapakita na buktot ang disposisyong diwa nila. Hindi pinagninilay-nilayan ng mga anticristo ang katotohanan, ang mga positibong bagay, ang tamang landas, o ang mga hinihingi ng Diyos. Pawang buktot ang mga iniisip, at ang mga pamamaraan, diskarte, at layunin na pinipili nila—lumilihis silang lahat mula sa tamang landas at hindi sila kaayon ng katotohanan. Sumasalungat pa nga sila sa katotohanan, at sa pangkalahatan, maaari silang ibuod bilang masama; sadyang buktot ang kalikasan ng kasamaang ito—kaya’t kolektibo itong tinatawag na kabuktutan. Hindi nila pinag-iisipan na maging tapat na tao, maging dalisay at bukas, o maging taimtim at matapat; sa halip, pinag-iisipan nila ang mga buktot na pamamaraan. Halimbawa, ang isang tao na kayang magtapat tungkol sa kanyang sarili sa isang dalisay na paraan, isa itong positibong bagay at pagsasagawa ito sa katotohanan. Ginagawa ba ito ng mga anticristo? (Hindi.) Ano ang ginagawa nila? Palagi silang nagpapanggap, at kapag gumawa sila ng masama at nabibisto na sila, galit na galit nilang itinatago ito, pinapangatwiranan at ipinagtatanggol ang sarili, at ikinukubli ang mga katunayan—pagkatapos ay ibinibigay ang mga dahilan nila sa huli. Katumbas ba ng pagsasagawa sa katotohanan ang alinman sa mga pagsasagawang ito? (Hindi.) Naaayon ba sa mga katotohanang prinsipyo ang alinman sa mga ito? Mas lalong hindi.
Kanina lamang, pinagbahaginan at hinimay natin ang unang aspekto ng disposisyong diwa ng mga anticristo—kabuktutan. Nagsimula tayo sa paghihimay sa kung ano ang iniisip ng mga anticristo buong araw, gamit ang mga kaisipan, pananaw, at ang mga gawi at pamamaraan nila kung paano sila tumutugon sa iba’t ibang usapin para mahimay ang buktot na disposisyon ng mga anticristo. Hinimay rin natin ang kalikasan ng iba’t ibang bagay na ginagawa ng mga anticristo, batay sa umiiral sa mga isipan nila. Nagbigay rin tayo ng ilang halimbawa para himayin ang disposisyong diwa nila na nabubunyag sa mga pagkakataong ito. Kaugnay ng mga halimbawang ito, may nakita ba kayo na sinuman na may medyo mabuting pagkatao sa mga nagpapakita ng ganitong mga pag-uugali at nagbubunyag ng mga ganitong disposisyon? Pagdating sa isang taong may gayong mga pagbubunyag at pagpapamalas, nagtataglay ba ng katapatan, kabaitan, kasimplehan, sinseridad, pagkamatuwid, at iba pa ang karakter niya? (Wala.) Malinaw na wala siya ng mga katangiang ito. Sa kabaligtaran, sila ay may karakter na mapanlinlang, walang awa, mahilig magsinungaling, makasarili, ubod ng sama, at walang pagpapahalaga sa dangal. Kitang-kita ang mga katangiang ito sa kanyang karakter. Masasabi nang tumpak na pawang may napakababang karakter ang mga taong may mga buktot na iniisip sa buong araw, at kayang gumawa ng iba’t ibang buktot na bagay. Gaano ito kababa? Wala itong konsensiya, integridad, at lalong wala itong normal na pagkamakatwiran. Puwedeng bang ituring na tao ang mga taong walang mga ganitong bagay? Masasabi nang tiyak na hindi tao ang mga taong walang mga ganitong bagay; nakasuot lang sila ng balat ng tao. Puwedeng itanong ng ilang tao, “Hindi ba’t parang lobo iyon na nakadamit-tupa?” Isang metopara lang iyan. Ano ba ang mga lobo na nakadamit-tupa? Mga lobo talaga sila. Mayroon bang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng mga lobo at ng mga diyablo o anticristo? Tinutugis at kinakain ng mga lobo ang mga baka at tupa, hindi dahil sa kasakiman kundi dahil iyon ang kalikasan nila na inorden ng Diyos. Gayumpaman, may isang bagay na taglay ng mga lobo na wala sa mga anticristo. Kung kinukupkop at inaalagaan ng isang tao ang isang lobo o iniligtas ito ng isang tao, hindi kailanman sasaktan ng lobo ang taong iyon at magpapakita ito ng pasasalamat. Sa kabaligtaran, tinatamasa ng mga anticristo ang biyaya, pag-akay ng Diyos, at ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, pero nagpapakana sila laban sa Diyos sa lahat ng bagay, palaging sumasalungat at may galit sa Kanya. Hindi nila kayang magpasakop sa anumang ginagawa ng Diyos; hindi nila kayang sabihin ang amen sa Kanyang mga gawa—gusto nilang sumalungat palagi. Angkop bang sabihing mga lobo na nakadamit-tupa ang mga anticristo? Tumpak ba ang metaporang ito? (Hindi.) Dati, sa relihiyon, itinuturing na lobo na nakadamit-tupa ang sinumang tinaguriang anticristo o masamang tao. Isa lang itong metapora na ginagamit ng mga tao noong hindi pa nila nauunawaan ang katotohanan at ang pagkataong diwa at ang disposisyon ng iba’t ibang indibiduwal. Pero, kapag napagbabahaginan sa antas na ito ang katotohanan, nagiging mas hindi angkop ang paggamit ng metaporang ito. Ang mga diyablo ay diyablo, at katumbas ng mga diyablo ang mga anticristo, at hindi sila karapat-dapat na ihambing sa lahat ng buhay na nilalang na nilikha ng Diyos. Mayroon bang alinman sa mga bagay na nilikha ng Diyos, tulad ng mga lobo o iba pang mga karniboro, na lumaban o naghimagsik laban sa Diyos kailanman? Magpoprotesta ba sila laban sa Diyos o sasalungat sa Kanya? Huhusgahan, kokondenahin, o babatikusin ba nila ang anumang sinasabi ng Diyos? Hindi nila ginagawa ang mga gayong bagay; namumuhay lang sila ayon sa mga likas na gawi at kapaligiran sa pamumuhay na itinakda sa kanila ng Diyos. Ano man ang paglikha ng Diyos sa kanila, ganoon sila—walang anumang pagpapanggap. Pero iba ang mga anticristo: Mayroon silang kalikasan ni Satanas, at dalubhasa sila sa pagkilos laban sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Katulad sila ng malaking pulang dragon: Dalubhasa sila sa paggawa ng mga gawaing lumalaban sa Diyos.
2. Kung Ano ang Ginagawa ng mga Anticristo sa Diyos
Pagkatapos magbahaginan tungkol sa iba’t ibang buktot na pagpapamalas na ipinapakita ng mga anticristo sa mga tao, magbahaginan naman tayo tungkol sa kung anong mga pagpapamalas ang ipinapakita ng mga anticristo sa Diyos sa kaibuturan nila, mga buktot na bagay lang ang iniisip sa buong araw. Marami na tayong natalakay noon tungkol sa paksang ito, kaya magbuod tayo. Magsisimula tayo sa mas magagaang kaso at unti-unti tayong magtatransisyon sa mas malulubhang kaso. Una ay ang pagdududa, kasunod ang pagsisiyasat sa Diyos, at mayroon ding paghihinala, pagiging mapagbantay, paghingi, at pakikipagtawaran. Mayroon pa bang iba? (Pagsubok sa Diyos.) Lubhang seryoso ang kalikasan ng ganitong pag-uugali. Habang nagpapatuloy tayo, nagiging mas malubha ang kalikasan ng bawat pag-uugali—pagtanggi, pagkondena, paghusga, paglapastangan, berbal na pang-aabuso, pag-atake, pagprotesta, at pagsalungat. Bagaman sa panlabas ay tila medyo magkakatulad ang kahulugan ng ilan sa mga terminong ito, kapag mas masusing sinuri, nagkakaiba ang lalim o bigat ng mga ito. Sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang perspektiba o sa pagsasaalang-alang ng iba’t ibang pamamaraan ng mga anticristo, pwede nating matukoy ang pagkakaiba sa kalikasan ng mga terminong ito.
a. Pagdududa
Ang pagdududa, pagsisiyasat, at paghihinala ay mga medyo paunang pagpapamalas. Nagkikimkim lang ang ilang tao ng pagdududa sa puso nila, iniisip nila, “Ang Diyos ba talaga ang nagkatawang-tao? Mukha Siyang isang tao sa akin. Ang lahat ba ng salita Niya ang katotohanan? Alin sa mga ito ang tila ang katotohanan? Maaaring higit sa pananalita at kaalaman ng tao ang ilan sa mga sinasabi Niya. Maaaring hindi malinaw na naipapaliwanag ng mga tao ang mga hiwaga at propesiya, pero hindi ba’t kaya ring sabihin ng mga propeta ang mga gayong bagay? Sinasabing matuwid ang Diyos, pero paanong naging matuwid ang Diyos? Sinasabing may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, pero bakit palaging gumagawa ng masasamang bagay si Satanas? Kapag binibihag at inuusig kami ni Satanas, kapag inaabuso kami nito, bakit hindi nakikialam ang Diyos? Nasaan ang Diyos? Talaga bang umiiral ang Diyos?” Kapag walang tunay na pananalig ang mga tao, hindi kinikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, hindi alam ang disposisyon ng Diyos, o ang diwa ng Diyos, at hindi nauunawaan ang katotohanan, uusbong ang mga gayong pagdududa sa puso nila. Gayumpaman, habang unti-unting nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, naaarok ang katotohanan, at nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga pagdududang ito ay unti-unting nalulutas at nagiging tunay na pananalig. Ito ang hindi maiiwasang landas para sa lahat ng taong sumusunod sa Diyos. Pero para sa mga anticristo na may buktot na diwa, mababago ba ang mga pagdududa nila? (Hindi, hindi pwedeng mabago ang mga ito.) Bakit hindi mababago ang mga ito? (Hindi mananampalataya ang mga anticristo—hindi nila kinikilala ang Diyos.) Sa teorya, sila ay mga hindi mananampalataya, kaya palagi silang nagdududa sa Diyos. Ang obhetibong dahilan ay na likas na tumatanggi ang mga ganitong tao na tanggapin ang katotohanan at mga positibong bagay. Gayumpaman, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay positibo at ang katotohanan. Dahil tutol at mapanlaban sa katotohanan ang mga anticristo, kahit na kinikilala ng lahat ng tao na isang katunayan ang bawat bagay na ginagawa ng Diyos, na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng ito, at na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—gaya ng Diyos—ay tiyak na umiiral, hindi kinikilala o tinatanggap ng mga anticristo na mga katunayan ang mga ito. Sa puso nila, nananatili magpakailanman ang mga pagdududa tungkol sa Diyos. Malinaw na ang mga ito ay mga katunayan, nasasaksihan ng lahat, at kahit iyong kadalasang mga may pinakamaliit na pananalig ay nawawalan ng mga pagdududa tungkol sa Diyos matapos maranasan ang gawain ng Diyos sa loob ng maraming taon, at nagkakaroon sila ng tunay na pananalig sa Diyos. Tanging ang mga anticristo ang hindi kayang baguhin ang mga pagdududa nila tungkol sa Diyos. Sa obhetibong pananalita, sa teorya, ang mga indibidwal na ito ay mga hindi mananampalataya na hindi tinatanggap ang katotohanan, pero sa katunayan, ito ay dahil ang mga anticristo ay tutol sa katotohanan at nagtataglay ng buktot na diwa—ito ang pangunahing dahilan. Kahit gaano karaming tao ang nagpapatunay o nagpapatotoo sa ginawa ng Diyos, o gaano man katibay ang isang ebidensiyang ipinakita sa harap ng mga anticristo, tumatanggi pa rin silang maniwala sa diwa ng Diyos o na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—ito ay labis na buktot. Mailalarawan ito sa isang punto: Kapag nakikita ng mga anticristo ang napakalaki at maliwanag na katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, hindi nila pinaniniwalaan ni kinikilala ito, at pinagdududahan pa nila ang Diyos. Gayumpaman, pagdating sa mga gawa ng diumano’y Buddha o ng mga imortal na sinasabi ng mga walang pananampalataya, mga diyablo, at masasamang espiritu—mga gawa na hindi nasaksihan ng mga anticristo, at na walang anumang nahahawakang ebidensiya—agad-agad silang naniniwala. Isa itong sukdulang pagpapakita ng kabuktutan. Kahit gaano kadakila o kagila-gilalas ang mga kilos ng Diyos, nagdududa pa rin at nagpapakita ng paghamak ang mga anticristo, palaging nagkikimkim ng pagdududa sa puso nila. Pero kapag gumagawa ng anumang kakaibang bagay ang mga diyablo o si Satanas, nakukuha ang loob nila, at yumuyukod sila sa paghanga. Hindi nila magawang magkaroon ng takot o ng tunay na pananalig sa Diyos, gaano man kadakila ang mga bagay na ginagawa ng Diyos. Sa kabaligtaran, madali silang naniniwala sa lahat ng mga gawa-gawa ni Satanas, at buong-puso nilang iginagalang ang mga ito. Pagpapakita ito ng kabuktutan. Palaging umiiral ang katunayan na pinagdududahan ng mga anticristo ang Diyos. Hindi sila kailanman naniniwala na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hindi nila kailanman kinikilala na ang Diyos ang katotohanan; kahit gaano karaming tao ang nagpapatotoo o kahit gaano karaming ebidensiya ang ipakita para sa mga bagay na ito, hindi nila kayang aminin o paniwalaan ang mga ito. Sa isang banda, ito ay dahil sa buktot na disposisyong diwa ng mga anticristo, at sa kabilang banda, ipinahihiwatig nito na hindi talaga tao ang mga gayong indibidwal, dahil wala sila ng mga proseso ng pag-iisip ng normal na pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng wala sila ng mga proseso ng pag-iisip ng normal na pagkatao? Ibig sabihin, wala silang tamang paghusga at pag-unawa sa mga positibong bagay, sa katotohanan, at sa diwa at pinagmulan ng lahat ng bagay. Kahit sa pamamagitan ng pagbabasa sa mga salita ng Diyos, pakikinig sa mga sermon, at pagdanas at pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos, hindi nila kayang magpatunay o maniwala kundi nananatili silang nagdududa. Malinaw na ang mga indibidwal na ito ay walang mga proseso ng pag-iisip ng normal na pagkatao. Tao pa rin ba ang mga taong walang mga normal na proseso ng pag-iisip, na hindi nakakaarok sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos, at sa mga positibong bagay at katunayan? (Hindi, hindi sila tao.) Hindi sila tao, pero hindi masasabing mga hayop sila, dahil walang buktot na disposisyon ang mga hayop; dahil may buktot na disposisyon ang mga indibidwal na ito, totoo ang pahayag na ito: Ang mga indibidwal na ito ay tunay ngang mga anticristo, nagtataglay ng malademonyong kalikasan. Ang pagdududa ay isang kalagayan sa mga kaisipan na ipinapamalas ng mga anticristo patungkol sa Diyos, at isa rin itong uri ng disposisyong diwa na nabubunyag sa pag-uugali nila, na siyang pinakamapagpaimbabaw, pundamental, panlabas, at pangkaraniwang pagpapamalas.
b. Pagsisiyasat
Sa puso nila, puno ng pagdududa ang mga anticristo tungkol sa Diyos, kaya tunay ba nilang tinatanggap ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang disposisyon, at ang Kanyang gawain? Tunay ba silang nagpapasakop sa lahat ng ito? Tunay ba silang sumusunod sa Diyos? Malinaw na ang sagot ay hindi. Ano ang kasunod nito? Kapag pumupunta sa sambahayan ng Diyos ang mga indibidwal na ito, iniisip nila: “Nasaan ang diyos? Hindi ko siya makita, naririnig ko lang ang tinig niya. Batay sa boses, tila babae ito; batay sa mga salita, tila edukada siya, hindi mangmang; pero batay sa paraan ng pagsasalita at sa nilalaman ng mga salita niya, ano ang sinasabi niya? Bakit parang nakakalito ito? Pagkatapos makinig, maraming tao ang nagsasabing ito ang katotohanan, pero bakit hindi ganoon ang dating nito sa akin? Lahat ng ito ay tungkol sa mga usapin ng pagkatao, ng disposisyon ng tao, ng iba’t ibang kalagayan na ibinubunyag ng mga tao sa mga kilos nila—mayroon bang buhay at daan dito? Hindi ko talaga nauunawaan. Sinasabi ng lahat pagkatapos makinig na dapat nilang tuparin ang mga tungkulin nila nang tapat, palugurin ang diyos, at hangarin ang kaligtasan. Maraming tao pa nga ang nagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan at nagpapatotoo. Diyos ba ang taong ito? Kahawig ba niya ang diyos? Hindi ko pa nakita ang mukha niya; kung nakita ko na ito, marahil ay mababasa ko ang mga katangian niya at magkakaroon ako ng tiyak na kasagutan. Sa ngayon, ang marinig lang ang boses niya at mapakinggan ang mga sinasabi niya, medyo nag-aalinlangan pa rin ako.” Ano ang ginagawa nila? Sinisiyasat, sinusubok, at tinatangka nilang arukin ang aktuwal na sitwasyon, para makita kung ito nga ba talaga ang Diyos, at pagkatapos ay pagpapasyahan nila kung susunod ba sila sa Kanya, kung paano Siya susundan, at kukumpirmahin nila kung makakahanap ba sila ng sagot sa taong ito tungkol sa mga pagpapala at hantungang gusto nilang matamo, pati na sa mga pagnanais nila, at kung tumpak ba nilang malalaman sa pamamagitan ng taong ito kung ano ang katangian ng Diyos sa langit, kung tunay ba Siyang umiiral, kung ano ang disposisyon Niya, kung ano kaya ang pamamaraan at saloobin Niya sa mga tao, at kung anong mga abilidad, kasanayan, at awtoridad ang mayroon Siya. Hindi ba’t pagsisiyasat ito sa Diyos? Malinaw na pagsisiyasat nga ito.
Habang sinisiyasat ang Diyos, matatanggap ba ng mga anticristo ang mga salita ng Diyos bilang buhay nila, at magagawang gabay at layon ang mga ito para sa pang-araw-araw nilang pamumuhay at pag-uugali? (Hindi.) Maaaring siyasatin ng isang ordinaryong tiwaling tao ang Diyos sa sandaling panahon at pagkatapos ay iisipin niya, “Mali ang landas na ito, hindi mapakali ang puso ko; hindi ako makakahanap ng mga kasagutan sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa Diyos sa ganitong paraan. Paano nagagawa ng isang mananampalataya sa Diyos na siyasatin Siya? Ano ang makakamit sa pagsisiyasat sa Diyos? Kapag sinisiyasat ng mga mananampalataya ang Diyos, itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa kanila, at hindi nila makakamit ang katotohanan. Sinasabi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na makikita ng mga tao ang daan at makakamtan ang buhay mula sa loob ng mga salita Niya. Hindi maganda para sa akin ang kumilos nang ganito—hindi ko pwedeng patuloy na siyasatin Siya.” Habang nakikinig sila sa mga sermon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, unti-unti nilang natutuklasan na may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, at unti-unti nilang napagtatanto na hindi sila pwedeng maging kaayon ng Diyos, hindi nila matutupad nang wasto ang mga tungkulin nila, o magagawa nang maayos ang anumang bagay, maliban kung malulutas ang mga tiwaling disposisyong ito. Unti-unti nilang natutuklasan na ang dahilan kung bakit hindi natutupad nang maayos ng mga tao ang mga tungkulin nila ay dahil hinahadlangan sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon at pagiging mapaghimagsik, at dahil kumikilos sila ayon sa mga tiwaling disposisyon nila, at hindi nila kayang pangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Susunod, magsisimula silang mag-isip, “Paano ako makakakilos nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Kapag nabubunyag ang mga tiwaling disposisyon ko, paano ko malulutas ang mga ito?” Ang pinakamabisang solusyon sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay ang katotohanan at mga salita ng Diyos. Ang pinakadirektang paraan para makapasok ang mga tao sa katotohanan ay ang hanapin nila ang mga katotohanang prinsipyo, at ang hanapin ang mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila. Nagtatatag ito ng mga layon, direksiyon, mga landas, at mga paraan ng pagsasagawa. Kapag naitatag na ang mga ito, may landas nang susundan ang mga tao, at kapag kumikilos sila, malamang na hindi nila malalabag ang mga atas administratibo, hindi nila mabubunyag ang mga tiwaling disposisyon nila, o hindi sila magdudulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, at mas malamang pa nga na hindi nila lalabanan ang Diyos. Pagkatapos pagdaanan ang gayong karanasan, nararamdaman nila na natagpuan na nila ang isang angkop na landas para sa pananampalataya nila sa Diyos, at na ito ang landas na kailangan nila, ang siyang dapat nilang pasukan, ang tamang landas para sa pananampalataya sa Diyos at para sa buhay, at na mas higit na mainam ito kaysa sa pagsisiyasat sa Diyos at palaging paggamit ng maghintay-at-magmasid na pamamaraan sa Kanya. Napagtatanto nila na walang saysay ang pagsisiyasat sa Diyos, at na gaano man Siya siyasatin ng isang tao, hindi nito malulutas ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag nila, o ang mga problemang umuusbong kapag ginagampanan nila ang mga tungkulin nila. Kaya, unti-unti silang nagtatransisyon mula sa pagsisiyasat sa Diyos patungo sa landas ng paghahanap sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang normal na paraan ng pagpasok at prosesong batay sa karanasan para sa mga ordinaryong tiwaling tao. Gayumpaman, para sa mga anticristo, iba ito. Mula pa noong unang araw na pumasok sila sa sambahayan ng Diyos at tumawid sa pintuan nito, iniisip nila, “Labis na interesante ang lahat ng bagay sa sambahayan ng diyos, bagong-bago ang lahat ng bagay—iba ito sa mundo ng mga walang pananampalataya. Sa sambahayan ng diyos, kailangang maging tapat ang lahat; para itong isang malaking pamilya, at buhay na buhay ito!” Pagkatapos magsiyasat, maging pamilyar, at lubos na maunawaan ang mga kapatid nila, oras na para siyasatin nila ang Diyos. Iniisip nila, “Nasaan ang diyos? Ano ang ginagawa ng diyos? Paano niya ito ginagawa? Mahirap siyasatin ang diyos sa langit; mahirap siyang arukin at bigo kaming magawa ito. Pero ngayon, mayroong maginhawang paraan—pumarito ang diyos sa lupa, kaya madali nang siyasatin siya.” Ang ilan sa kanila ay mapalad na makaugnayan ang Diyos sa lupa, na makita ang taong ito nang sarili nilang mga mata, kaya lalong nagiging mas madali para sa kanila na siyasatin Siya. Paano nila ito ginagawa? Sinisiyasat nila ang masayahing pakikipag-usap ng Diyos sa lupa, kung sa anong mga usapin Siya gumagamit ng isang paraan ng pagsasalita at kung sa anong mga usapin Siya gumagamit ng ibang paraan ng pananalita, ang mga konteksto kung saan tumatawa at masaya Siya, at kung ano ang sinasabi Niya sa mga oras na iyon, gayundin kung ano ang sinasabi Niya kapag hindi Siya masaya o kapag galit Siya. Sinisiyasat nila kung sa anong mga sitwasyon Niya binabalewala ang mga tao o kung sa anong mga sitwasyon siya magiliw sa kanila, kung kailan Niya pinupungusan ang mga tao at kung kailan hindi, kung anong mga usapin ang pinagtutuunan Niya ng pansin at kung ano ang wala Siyang pakialam, gayundin kung alam Niya kung kailan Siya sinisiyasat, nilalansi, o sinasaktan ng mga tao kapag nakatalikod Siya. Pagkatapos siyasatin ang mas malalawak na aspekto, sinusuri ng mga anticristo ang mga detalye, tulad ng kung ano ang kinakain ng Diyos sa lupa, kung ano ang sinusuot Niya, at ang pang-araw-araw Niyang gawi. Sinisiyasat nila kung ano ang gusto Niya, kung saan Niya gustong pumunta, at maging kung anong mga kulay ang gusto o ayaw Niya, kung mas gusto ba Niya ang maaraw o maulap na panahon, at kung lumalabas ba Siya kapag masama ang panahon—lahat ng partikular na detalyeng ito. Mula simula hanggang wakas, ang mga anticristo ay palaging sinisiyasat, binabalewala kung ano ang gagawin ng taong ito na may pinanghahawakang pagkakakilanlan ng Diyos. Sinasabi nila, “Wala akong pakialam kung ano ang ipinunta mo rito; sa tuwing makikita kita, ikaw ang magiging paksa ng pagsisiyasat ko.” Ano ang layon ng pagsisiyasat nila? Iniisip nila, “Kung mapapatunayan kong ikaw talaga ang diyos, pwede kong matatag at buong puso na iwan ang lahat para sumunod sa iyo. Dahil ang pananampalataya sa diyos ay parang pagtaya, at dahil sinasabi mong ikaw ang diyos at ang nagkatawang-taong diyos, ang pananampalataya sa iyo ay katumbas ng pagtaya sa iyo. Paanong hindi kita sisiyasatin? Kung hindi kita sisiyasatin, hindi ito magiging patas sa akin. Kung hindi kita sisiyasatin, hindi ko magagampanan ang pananagutan ko para sa sarili kong hantungan, mga inaasam, at tadhana. Dapat kitang siyasatin hanggang sa dulo.” Kahit hanggang ngayon, pagkatapos ng lahat ng pagsisiyasat nila, hindi pa rin sila sigurado: “Si cristo ba talaga ang taong ito? Siya ba talaga ang diyos na nagkatawang-tao? Hindi ito masyadong malinaw. Gayunman, maraming tao ang sumusunod sa kanya, at medyo maganda ang kalagayan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Mukhang posible na higit pa itong lumaganap, kaya hindi ko dapat hayaan ang sarili ko na maiwan. Pero kailangan ko pa rin siyang patuloy na siyasatin.” Hindi na sila mababago.
May buktot na disposisyong diwa ang mga anticristo, kaya hindi nila kailanman itinitigil ang pagsisiyasat nila. Sa isang organisasyon o komunidad ng mga walang pananampalataya, sinisiyasat at sinasamantala nila ang lahat ng uri ng tao, inaalam nila kung ano ang gusto ng mga nakatataas sa kanila, tinutukoy ang mga kahinaan ng mga ito, at pagkatapos ay inaayon ang mga kilos nila at inaakma sa mga kagustuhan ng mga nakatataas sa kanila para magpalakas sa mga ito. Pagkatapos pumasok sa sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nagbabago ang kalikasan nila—nagpapatuloy sila sa pagsisiyasat nila. Hindi nila nauunawaan na ang pagsisiyasat sa Diyos ay hindi ang landas na dapat sundan ng mga mananampalataya. Sa pagsisiyasat sa Diyos, hindi nila kailanman maaarok ang mga kilos ng Diyos, o makikita na ang lahat ng ipinapahayag ng Diyos ay ang katotohanan, o mauunawaan na ang lahat ng katotohanan at kilos na ito ng Diyos ay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Hindi kailanman mauunawaan ng mga anticristo ang puntong ito. Ang nakikita lang nila ay na patuloy na nagdurusa ang hinirang na mga tao ng Diyos sa pag-uusig at pagtugis ni Satanas. Napapansin lang nila ang masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawain at nagdudulot ng mga kaguluhan sa loob ng iglesia, at ang mga puwersa ng mga anticristo sa relihiyosong komunidad na patuloy na naninirang-puri at kumokondena sa Diyos, habang hindi kailanman nilulutas ng Diyos ang alinman sa mga ito. Dahil dito, patuloy na kumakapit ang mga anticristo sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon, matigas na tumatangging tanggapin ang anumang katotohanang ipinahayag ng Diyos. Ano ang resulta? Ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila ay nagiging ebidensiya nila para labanan ang Diyos. Sa mata ng mga anticristo, ang mga diumano’y ebidensiya na ito ang mga dahilan kung bakit hindi sila nananampalataya o kumikilala sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Dahil mismo sa pagtanggi nilang tanggapin ang katotohanan, hinding-hindi nila kailanman makikita ang mga katotohanang nasa ilalim ng mga katunayang ito, ang mga katotohanang dapat maunawaan at maarok ng mga tao, at ang mga layunin ng Diyos. Ito ang resulta ng pagsisiyasat nila. Kapag nahaharap sa mga katunayang ito, ang mga naghahangad sa katotohanan, nagmamahal sa katotohanan, at may tunay na pananalig sa Diyos, ay kayang tanggapin ang mga bagay mula sa Diyos at tugunan nang tama anuman ang mangyari sa sambahayan ng Diyos, at kaya nilang maghintay sa Diyos, maging tahimik sa harap ng Diyos at manalangin sa Kanya, hangarin na maarok ang mga layunin ng Diyos, at maunawaan at maintindihan din na ang mabubuting layunin ng Diyos ay nasa likod ng paglitaw ng lahat ng bagay na ito. Alang-alang sa pagbubunyag at pag-aalis sa masasamang tao, maraming ginagawa ang Diyos na hindi maiisip ng mga tao. Kasabay nito, alang-alang sa pagpeperpekto sa hinirang na mga tao ng Diyos, at sa pagbibigay sa kanila ng kakayahang magtamo ng pagkilatis at matuto ng mga aral, ginagamit din Niya ang masasamang tao at ang masasamang gawa nila para magserbisyo. Sa isang banda, ibinubunyag at inaalis ng Diyos ang mga ito; sa kabilang banda naman, binibigyang kakayahan Niya ang Kanyang hinirang na mga tao na makita kung anong mga bagay ang positibo at negatibo, kung sino ang sinasang-ayunan ng Diyos, kung sino ang kinasusuklaman ng Diyos, kung sino ang itinitiwalag ng Diyos, at kung sino ang pinagpapala Niya. Ang mga ito ay pawang mga aral na kailangang matutunan ng hinirang na mga tao ng Diyos, ang mga positibong resulta na dapat makamit ng mga naghahangad sa katotohanan, at ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga tao. Gayumpaman, dahil sa buktot na disposisyong diwa nila, hindi kailanman makakamit ng mga anticristo ang mga pinakamahalagang bagay na ito. Kaya, mayroon lang silang isang kalagayan—habang nasa presensiya sila ng Diyos, bukod sa pinagdududahan nila ang Diyos, palagi nilang sinisiyasat ang Diyos. Kahit hindi nila ito lubos na maunawaan, patuloy pa rin nilang sinisiyasat ang Diyos. Kung tatanungin mo sila kung pagod na sila, sasabihin nila, “Hindi naman. Ang pagsisiyasat sa diyos ay masaya, kawili-wili, interesante, at nakakaaliw na gawin!” Hindi ba’t mga maladiyablong salita ang mga ito? Taglay nila ang mukha ni Satanas, mayroon silang kalikasang diwa ng mga anticristo. Wala silang layunin na tanggapin ang katotohanan o ang kaligtasan ng Diyos; narito lang sila para siyasatin ang Diyos.
c. Paghihinala
Susunod, magbabahaginan tayo tungkol sa paghihinala ng mga anticristo sa Diyos. Ano ba ang literal na kahulugan ng paghihinala? Mayroong ilang partikular na pagpapamalas, kaisipan, at pag-uugali sa pagsisiyasat sa Diyos, at tiyak na tamang sabihing totoo rin ito tungkol sa mga paghihinala. Pagkatapos siyasatin ang Diyos, hindi pa rin alam ng ilang tao kung ano talaga ang disposisyon ng Diyos o kung anong klaseng mga emosyon mayroon ang Diyos, at hindi sila sigurado kung tunay bang umiiral ang Diyos. Mas lalong hindi nila matukoy kung ang ordinaryong taong ito ay si Cristo o kung taglay ba Niya ang diwa ng Diyos. Hindi nila nauunawaan at hindi malinaw sa kanila ang mga bagay na ito. Pagkatapos, kapag nagkaroon sila ng pagkakataong makipag-ugnayan sa Diyos, iniisip nila, “Nakipagbahaginan sa akin si cristo tungkol sa paggawa ng mga tao ng mga tungkulin nang pabasta-basta; may nagsumbong kaya na ginagawa ko ang mga tungkulin ko nang pabasta-basta at nalaman ito ni cristo? Iyon ba ang dahilan kung bakit niya ito nabanggit noong nagkita kami? Tiyak na may nagsumbong sa akin, at pagkatapos malaman ni cristo, pinuntirya niya ako para mailantad. Gusto pa rin kaya ako ni cristo, ngayong alam na niya kung anong klaseng tao ako? Tutol ba siya sa akin, o mababa kaya ang tingin niya sa akin? Naghahanda na ba siyang palitan ako?” Pagkatapos maghintay nang ilang panahon at makitang hindi pa sila napapalitan, iniisip nila, “Hay, takot na takot ako. Iniisip ko na baka makitid ang isip ni cristo, pero hindi niya ako pinalitan. Makakahinga na ako nang maluwag ngayon.” Pwedeng sabihin ng ilan, “Noong huli kong pakikipagkita kay cristo, hindi ako nagsalita nang maayos, para akong walang pinag-aralan, at medyo mali ang pananalita ko. Inilantad ko ang totoo kong pagkatao. Magkakaroon kaya ng masamang impresyon sa akin si cristo? Ititiwalag kaya niya ako kalaunan? Ayos lang ang lahat kapag hindi ko siya nakikita—lumalabas lang ang mga problema ko kapag nagkikita kami. Hindi na ako dapat muling makipagkita sa kanya, kailangan ko siyang iwasan sa tuwing makikita ko siya, at lumayo sa kanya hangga’t maaari, at tiyak na hindi ako dapat magkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan, pakikisalamuha, o malapit na ugnayan kay cristo. Kung hindi, pwedeng bumaba ang tingin niya sa akin.” Anong klaseng mga kaisipan at pamamaraan ang mga ito? (Mga paghihinala.) Mga paghihinala ang mga ito. Mayroon ding mga nagsasabi, “Noong huling pagtitipon, nagtanong ang diyos ng isang simpleng katanungan, pero hindi ko ito nasagot nang maayos, na nagbunyag sa mga kapintasan ko. Iisipin kaya ng diyos na wala akong mahusay na kakayahan, at hindi ba niya ako lilinangin sa hinaharap? Noong nakaraan, may naglantad sa isang bagay na ginawa ko, sinabi nitong naging hangal ako at kumilos ako nang walang pag-iingat. Kung matutuklasan ito ng diyos, gagawin pa rin kaya niya akong perpekto sa hinaharap? Ano ang katayuan ko sa isip ng diyos—mataas ba o mababa, mas nakakahigit ba sa iba o hindi? Sa aling kategorya kaya ako nabibilang? Sa hinaharap, sa tuwing makikipag-usap ako sa diyos, kailangan kong ihanda ang mga salita ko. Hindi ako pwedeng magsalita nang kaswal o sabihin kung ano ang nasa isip ko. Kailangan kong mas magnilay-nilay pa, mas pag-isipan pa ang mga bagay-bagay, mas magsaalang-alang pa, ayusin nang mabuti ang wika ko, at ipakita kay cristo ang pinakamahusay at pinakamagaling na bahagi ko. Napakaganda at napakaperpekto niyon kung magkagayon!” Isa rin itong paghihinala.
Ang paghihinala ay isa pang katangian ng buktot na disposisyon ng mga anticristo. Bukod sa pagdududa at pagsisiyasat, nagkikimkim din ang mga anticristo ng mga paghihinala. Sa madaling salita, alinmang aspekto ang nangingibabaw sa mga kaisipan nila, wala sa mga ito ang may kinalaman sa pagsasagawa at paghahanap sa katotohanan. Kung gayon, makukumpirma ba ng mga diskarte, kaisipan, o pamamaraang ito na buktot ang disposisyong diwa ng mga anticristo? (Oo.) Nagdududa man sa Diyos, nagsisiyasat sa Diyos, o nagkikimkim ng mga paghihinala sa Diyos ang mga anticristo, ano’t anuman, palagi silang nabibigong tumuon sa katotohanan, hindi sila nagbabago kahit kailan, at patuloy nilang ginagamit ang mga pamamaraang ito para pagnilay-nilayan ang mga usaping may kaugnayan sa Diyos at para lapitan ang Diyos, nang hindi man lang hinahanap ang katotohanan. Gaano man kanakakapagod at kahirap ang mga kilos na ito, walang kapaguran nilang patuloy na ginagawa at inuulit ang mga ito. Gaano man katagal na nilang sinisiyasat o pinagdududahan ang Diyos, o kung may nakuha man silang anumang resulta o wala, patuloy nilang sinusundan ang landas na ito gaya nang dati, patuloy na kumikilos sa ganitong paraan at inuulit ang mga kilos nila. Hindi nila sinusuri ang sarili nila kahit kailan, iniisip nila, “Ito ba ang pamamaraan at saloobing mayroon dapat ang isang nilikha sa pagtrato sa Diyos? Ano ang kalikasan ng kung paano ko tinatrato ang Diyos? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag ko? Naaayon ba sa katotohanan ang ganitong pagtrato sa Kanya? Kinasusuklaman ba ito ng Diyos? Kung patuloy kong gagawin ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos, ano ang magiging huling resulta? Aabandonahin at ititiwalag ba ako ng Diyos? Dahil magkakaroon ng mga negatibong kahihinatnan, bakit hindi ako makakilos at makapagsagawa ayon sa mga salita at mga hinihingi ng Diyos?” Pinagninilayan ba nila ang mga usaping ito? (Hindi.) Bakit hindi sila nagninilay-nilay? Dahil wala silang konsensiya at pagkamakatwiran sa kanilang karakter. Wala silang konsensiya, kaya gumagawa sila ng mga gayong di-makatwiran at katawa-tawang kilos nang hindi nila ito namamalayan. Dahil sa kawalan ng pagkamakatwiran, hindi nila kailanman nauunawaan kung sino sila, o ang posisyon, perspektiba, at katayuan na dapat nilang akuin. Hindi nila kailanman nararamdaman na sila ay ordinaryong tao, tiwaling tao, o kauri at supling ni Satanas na kinasusuklaman ng Diyos. Ang mga bagay na dapat tanggapin ng mga tao ay ang mga salita ng Diyos, mga hinihingi ng Diyos, at ang katotohanang itinutustos ng Diyos sa kanila; hindi nila dapat sinisiyasat ang Diyos na para bang kapantay sila ng Diyos, at nakikipagtawanan at nakikipag-usap sa Diyos na parang nakikipag-ugnayan lang sila sa kapwa tao—hindi ba’t ang mga bagay na ito ang ginagawa ng isang hindi-tao? Sa sandaling ito, nabubunyag ang karakter ng mga anticristo, at ang buktot na disposisyong diwa ng mga anticristo ang nangingibabaw sa kanila, na nagsasanhi na walang kapaguran nilang isagawa ang mga walang saysay at walang kabuluhang kilos na ito na nakakapinsala sa iba at walang pakinabang sa kanilang sarili. Gayumpaman, hindi sila makabitiw; nananatili sila na walang kamalayan sa kamalian ng landas na ito at sa kalikasang nasa likod ng mga kilos na ito. Gaano man karami ang pagsisikap, pagdurusa, at kabiguang sangkot sa usaping ito, wala silang nararamdamang paninisi sa sarili, walang pag-aakusa, at walang pagkakautang. Ipinagpipilitan nilang maging kapantay ang Diyos, sinisiyasat at kinasusuklaman pa nga nila ang Diyos na para bang nakatataas sila, paulit-ulit nilang pinagdududahan at pinaghihinalaan ang Diyos. Gaano man katagal na silang nananampalataya sa Diyos, hindi kailanman nagbago ang saloobin nila sa Diyos at kung paano nila tinatrato ang Diyos. Kung hindi nila pinagdududahan ang Diyos, sinisiyasat nila ang Diyos, at kung hindi nila sinisiyasat ang Diyos, pinaghihinalaan nila ang Diyos. Para silang sinapian ng demonyo o nakulam—ito ang ilang pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo. Likas na buktot ang mga anticristo; maaaring sabihin ng ilang taong hindi kayang makilatis ang tunay na diwa ng mga anticristo, “Pwede bang tigilan mo na ang pagsisiyasat sa Diyos? Pwede bang tigilan mo na ang pagdududa sa Kanya? Pwede bang tigilan mo na ang paghihinala sa Kanya? Kung ititigil mo ang paggawa ng mga bagay na ito, magagawa mong maunawaan ang katotohanan, tratuhin ang Diyos bilang Diyos, magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, at lehitimong maging isa sa mga tao ng Diyos; magkakaroon ka ng pagkakataon na maging isang sapat na nilikha, at kung magkakagayon, hindi ba’t magiging karapat-dapat ka na matawag na isa sa hinirang na mga tao ng Diyos? Magiging napakaganda niyon!” Gayumpaman, sumasagot ang mga anticristo, “Hindi ako ganoon kahangal. Ano ba ang pakinabang ng pagiging isang sapat na nilikha? Nakakabagot iyon. Interesante lamang kapag pinagdududahan, sinisiyasat, at pinaghihinalaan ko ang diyos!” Ang pagpapamalas na ito ng mga anticristo ay katulad ng sinasabi ng malaking pulang dragon: “Ang pakikipaglaban sa ibang tao at sa langit ay bukal ng walang katapusang kasiyahan.” Isa itong tumpak na depinisyon at tunay na sumasalamin sa buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Sa pagbubuod, lubhang buktot ang mga anticristo, sukdulan ang kabuktutan nila. Mga buktot na tao ang mga nananampalataya sa Diyos pero tahasan silang tumatangging tanggapin ang katotohanan. Maraming tao ang palaging gustong bigyan ng pagkakataon na magsisi ang mga anticristo, iniisip na magsisisi ang mga ito balang araw—tama ba ang argumentong ito? Tulad ng kasabihan, “Hindi mababago ng tigre ang mga guhit nito” at “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.” Samakatwid, hindi mo magagamit ang mga pamantayan at pamamaraan sa pakikitungo sa mga tao para harapin ang mga anticristo o humingi sa mga ito. Sadyang ganoon sila. Kung hindi nila sinisiyasat o pinagdududahan ang Diyos, o kung hindi nila pinaghihinalaan ang Diyos, hindi komportable ang pakiramdam nila, dahil pinamamahalaan sila ng buktot nilang diwa.
d. Pagiging Mapagbantay
Susunod, magbabahaginan tayo tungkol sa pagiging mapagbantay. May isang pinakanangingibabaw at pinakamalinaw na kaisipan at pananaw ang mga anticristo. Sinasabi nila, “Hindi dapat hayaan ng mga tao na ang diyos ang kumontrol o magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana nila; kung ang diyos ang may kontrol sa tadhana ng isang tao, katapusan na niya. Dapat ang mga tao ang may kontrol sa sarili nila para makamit nila ang kaligayahan, at para makakain, makainom, at makapagsaya sila nang hindi nag-aalala. Hindi hinahayaan ng diyos ang mga tao na kumain, uminom, at magsaya, hindi niya pinapayagan ang mga tao na mamuhay nang maayos; pinagdurusa lang niya sa paghihirap ang mga tao. Kaya, dapat nating pamahalaan ang sarili nating kaligayahan; hindi natin pwedeng ipagkatiwala sa diyos ang mga tadhana natin, o pasibong maghintay para sa lahat ng bagay, o hayaan ang diyos na maghanda, at magbigay-liwanag at mag-akay sa atin—hindi tayo pwedeng maging ganoong klase ng tao. Mayroon tayong mga karapatang pantao, at karapatang kumilos nang nagsasarili, at malayang kalooban. Hindi natin kailangang iulat ang lahat sa diyos at humingi ng gabay sa diyos sa lahat ng bagay—magmumukha tayong labis na walang kakayahan; mga hangal lang ang gumagawa niyon!” Ano ang ginagawa nila? (Nagiging mapagbantay laban sa Diyos.) Sinasabi ng ilang tao, “Mag-ingat ka kapag gumagawa ka ng panata sa harap ng diyos; pag-isipan mong mabuti ang mga salita mo. Kapag kumikilos ang tao, nakamasid ang langit!” Nananalangin ang ilan, “O diyos, iniaalay ko ang buong buhay at kabataan ko sa iyo; hindi ako maghahanap ng katuwang o mag-aasawa.” Pero pagkatapos sabihin ito, pinagsisisihan nila ito, iniisip nila, “Isasakatuparan kaya ng diyos ang mga salita ko? Paano kung kailangan ko talaga ng katuwang o gusto kong mag-asawa? Parurusahan ba ako ng diyos? Hindi maganda ito!” Mula noon, nalulugmok sila sa depresyon at kalungkutan, iniiwasan nila ang kabilang kasarian at natatakot sila sa kaparusahan. Ano ang ginagawa nila? (Nagiging mapagbantay laban sa Diyos.) Sinasabi ng isa pang uri ng tao, “Ang paggugugol ng sarili para sa diyos ay hindi madali o simple. Kailangan mong magkaroon ng alternatibong plano; kailangan mong maghanda ng daan palabas para sa sarili mo bago ka gumugol para sa diyos. Kung hindi, kapag naubusan ka ng mga mapagkukunan, hindi ka aalagaan ng diyos! Ang paggugol ng sarili mo para sa diyos ay personal mong usapin; ang pagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan ng diyos sa lahat ng bagay ay iba pang usapin. May kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang diyos—aasikasuhin ba niya ang isang maliit na taong tulad mo? Inaasikaso lang ng diyos ang malalaking usapin; hindi niya pinapansin ang maliliit na usaping ito. Kaya, kailangan mong planuhin at ihanda ang iyong daan palabas; kung ayaw na sa iyo ng diyos kalaunan at palalayasin ka niya, hindi siya maaawa sa iyo.” Anong klaseng pag-iisip ito? (Pagiging mapagbantay laban sa Diyos.) Sobrang mapagkalkula ang mga tao. Ang ilan, matapos na maging lider, ay nagbabayad ng ilang halaga, at tunay na ginugugol ang sarili nila nang kaunti, pero dahil sa masamang pagkatao nila, kasuklam-suklam na disposisyon, at sa disposisyon ng mga anticristo na taglay nila, nagdudulot sila ng malalaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Dahil dito, pinapalayas sila. Pagkatapos nito, natututo silang umasal nang maayos at nang hindi napapansin, hindi sila nagtatapat sa kahit kanino, sinasabi nila, “Dati, palagi akong nagtatapat sa mga tao, kaya alam ng lahat kung ano talaga ang kalagayan ko, pero pagkatapos ay may nagsumbong sa akin sa sambahayan ng diyos at pinalayas ako. Kaya ngayon, kailangan kong matutong isara ang sarili ko sa iba, ikubli ang aking sarili, at ipagtanggol at protektahan ang sarili ko. Kailangan kong maging maingat sa pagtatapat sa mga tao, at ni hindi nga ako dapat magtapat sa diyos. Hindi na ako nananampalataya na ang diyos ang katotohanan, na siya ay tapat. Lalong mas wala akong tiwala sa mga kapatid. Walang karapat-dapat sa pagtitiwala ko, kahit ang mga kapamilya o kamag-anak ko, lalo na ang mga naghahangad sa katotohanan.” Ano ang ginagawa nila? (Nagiging mapagbantay sila.) Kapag nakakaranas ang mga anticristo ng pagpupungos, kabiguan, pagkadapa, at pagkakabunyag, pinag-iisipan nila ito, at bumubuo sila ng isang kasabihan: “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo.” Sa realidad, napakarami na nilang napinsalang iba, at sa huli, nagbabalatkayo sila at bumubuo ng ganitong panlilinlang. Pagkatapos ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos at pagdanas ng maraming kabiguan at pagkadapa, gayundin ng pagbubunyag ng Diyos at ng Kanyang pagpupungos, sa karaniwang sitwasyon, ang mga tao ay dapat pagnilayan at kilalanin ang sarili nila mula sa mga aral ng mga kabiguang ito, hanapin ang katotohanan para malutas ang mga problema, at hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga dahilan ng mga kabiguan at pagkadapa nila, pati na ang landas ng pagsasagawa na dapat nilang tahakin. Gayumpaman, hindi ito ginagawa ng mga anticristo. Matapos ang maraming pagkadapa at kabiguan, pinalalala nila ang pag-uugali nila, dumarami at mas lumalala ang mga pagdududa nila sa Diyos, mas tumitindi ang pagsisiyasat nila sa Diyos, mas lumalalim ang paghihinala nila sa Diyos, at gayundin, napupuno ng pagiging mapagbantay laban sa Diyos ang puso nila. Ang pagiging mapagbantay nila ay puno ng reklamo, galit, pagsalungat, at sama ng loob, at unti-unti pa nga silang nagkakaroon ng pagtanggi, paghusga, at pagkondena sa Diyos. Hindi ba’t lalo silang nalalagay sa panganib? (Oo.)
Batay sa saloobin ng mga anticristo sa Diyos, sa mga kapaligiran at mga tao, mga pangyayari, at mga bagay na isinaayos ng Diyos, sa pagbubunyag at pagdidisiplina ng Diyos sa kanila, at iba pa, mayroon ba silang kahit katiting na layunin na hanapin ang katotohanan? Mayroon ba silang kahit katiting na layunin na magpasakop sa Diyos? Mayroon ba silang kahit katiting na pananalig na ang lahat ng ito ay hindi aksidente kundi nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Mayroon ba silang ganitong pagka-unawa at kamalayan? Maliwanag na wala. Ang ugat ng pagiging mapagbantay nila ay masasabing nagmumula sa mga pagdududa nila tungkol sa Diyos. Ang ugat ng paghihinala nila sa Diyos ay masasabi ring nagmumula sa mga pagdududa nila tungkol sa Diyos. Dahil sa mga resulta ng pagsisiyasat nila sa Diyos, lalo silang nagiging mapaghinala sa Diyos, at kasabay nito, mas nagiging mapagbantay sila laban sa Diyos. Batay sa iba’t ibang kaisipan at pananaw na nabubuo mula sa pag-iisip ng mga anticristo, pati na rin sa iba’t ibang pamamaraan at pag-uugali na nabubuo sa pangingibabaw ng mga kaisipan at pananaw na ito, sadyang hindi makatwiran ang mga taong ito; hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, hindi nila kayang magkaroon ng tunay na pananalig sa Diyos, hindi nila kayang lubusang manampalataya at kilalanin ang pag-iral ng Diyos, at hindi nila kayang manampalataya at kilalanin na may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng nilikha, na may kataas-taasan Siyang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang lahat ng ito ay bunga ng kanilang buktot na disposisyong diwa.
Disyembre 19, 2020