Pagpasok sa Buhay V
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 520
Noong panahong sinusundan niya si Jesus, nagbuo ng maraming opinyon si Pedro tungkol kay Jesus at palagi niyang hinusgahan si Jesus mula sa sarili niyang pananaw. Bagama’t may kaunting pagkaunawa tungkol sa Espiritu, medyo malabo ang kanyang pagkaunawa, kaya sinabi niya, “Kailangan kong sundan siya na isinugo ng Ama sa langit. Kailangan kong kilalanin siya na pinili ng Banal na Espiritu.” Hindi niya naunawaan ang mga bagay na ginawa ni Jesus at hindi niya naliwanagan ang mga iyon. Matapos sundan si Jesus nang ilang panahon, lumago ang interes ni Pedro sa ginawa ni Jesus at sinabi, at kay Jesus Mismo. Nadama niya na naghikayat si Jesus kapwa ng pagmamahal at paggalang; ginusto niyang makasama Siya at manatili sa Kanyang tabi, at ang pakikinig sa mga salita ni Jesus ay nagbigay sa kanya ng panustos at tulong. Sa panahong sinundan niya si Jesus, minasdan at isinapuso ni Pedro ang lahat tungkol sa buhay ni Jesus: ang mga kilos, salita, galaw, at pagpapahayag ni Jesus. Nagtamo siya ng malalim na pagkaunawa na si Jesus ay hindi katulad ng ordinaryong mga tao. Bagama’t ang Kanyang hitsura ay lubhang normal, puno Siya ng pagmamahal, awa, at pagpaparaya sa tao. Lahat ng Kanyang ginawa o sinabi ay malaking tulong sa iba, at nakita at natamo ni Pedro ang mga bagay mula kay Jesus na hindi pa niya nakita o nakamtan kailanman. Nakita niya na bagama’t walang mataas na tayog ni ng pambihirang pagkatao si Jesus, mayroon Siyang ere na talagang pambihira at di-pangkaraniwan. Bagama’t hindi ito lubos na maipaliwanag ni Pedro, nakita niya na iba ang kilos ni Jesus sa lahat ng iba pa, sapagkat ang mga bagay na ginawa ni Jesus ay ibang-iba sa mga ginawa ng normal na tao. Mula sa panahon ng kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus, nakita rin ni Pedro na ang personalidad ni Jesus ay iba sa isang ordinaryong tao. Palaging matatag si Jesus at hindi nagmamadali kailanman kung kumilos, hindi labis ni kulang sa isang paksa kailanman, at namuhay si Jesus sa isang paraan na nagbunyag ng isang personalidad na kapwa normal at kahanga-hanga. Sa pakikipag-usap, simple at kaaya-ayang magsalita si Jesus, palaging masaya subalit mahinahong paraan—subalit hindi nawala kailanman ang Kanyang dignidad samantalang isinasagawa ang Kanyang gawain. Nakita ni Pedro na kung minsan ay walang imik si Jesus, samantalang sa ibang mga pagkakataon naman ay wala Siyang tigil sa pagsasalita. Kung minsan ay napakasaya Niya na para lang Siyang isang kalapati, maliksi at masiglang lumulukso-lukso, at sa ibang mga pagkakataon naman ay napakalungkot Niya kaya hindi man lamang Siya talaga nagsasalita, na mukhang puno ng dalamhati na para Siyang isang ina na nagtiis ng napakaraming paghihirap. Kung minsan galit na galit Siya na parang isang matapang na sundalo na lumulusob para patayin ang isang kaaway o, sa ilang pagkakataon, mukha pa nga Siyang isang umuungol na leon. Kung minsan tumatawa Siya; kung minsan naman nagdarasal Siya at umiiyak. Paano man kumilos si Jesus sa buhay Niya, lumago ang walang-hanggang pagmamahal at paggalang ni Pedro para sa Kanya. Ang pagtawa ni Jesus ay pinuspos si Pedro ng kaligayahan, ang kalungkutan ni Jesus ay isinadlak siya sa pighati, ang galit ni Jesus ay tumakot sa kanya, samantalang ang habag, pagpapatawad, at mahihigpit na kahilingan ni Jesus sa mga tao ay naging dahilan para tunay niyang mahalin si Jesus at magkaroon ng tunay na takot at pananabik kay Jesus. Siyempre pa, unti-unti lamang natanto ni Pedro ang lahat ng ito nang namuhay siyang kasama ni Jesus sa loob ng ilang taon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 521
May rurok sa mga karanasan ni Pedro, noong labis nang lupaypay at mahina ang kanyang buong katawan, ngunit pinalakas pa rin ni Jesus ang kanyang loob. At minsan, nagpakita si Jesus kay Pedro. Noong matindi ang pagdurusa ni Pedro at nadama niyang wasak ang kanyang puso, inutusan siya ni Jesus: “Kasama kita sa lupa, at kasama mo Ako rito. At bagama’t magkasama tayo noon sa langit, iyon naman ay nasa espirituwal na mundo pa rin. Ngayon ay nakabalik Ako sa espirituwal na mundo, at ikaw ay nasa lupa, sapagkat hindi Ako nagmula sa lupa, at bagama’t hindi ka nagmula sa lupa, kailangan mong gampanan ang iyong tungkulin sa lupa. Dahil ikaw ay isang lingkod, kailangan mong tuparin ang iyong tungkulin.” Nang marinig ni Pedro na maaari siyang bumalik sa tabi ng Diyos, naaliw siya. Noon, lungkot na lungkot si Pedro na halos maratay siya sa banig ng karamdaman; nakadama siya ng pagsisisi hanggang sa sabihin niyang, “Napakatiwali ko kaya hindi ko mapalugod ang Diyos.” Nagpakita si Jesus sa kanya at nagsabing: “Pedro, nalimutan mo kaya ang matibay na pagpapasyang ginawa mong minsan sa Aking harapan? Talaga bang nalimutan mo na kung ano ang sinabi Ko? Nalimutan mo na ba ang matibay na pagpapasyang ginawa mo sa Akin?” Nang makitang si Jesus iyon, bumangon si Pedro mula sa kanyang higaan, at pinanatag siya ni Jesus nang ganito: “Hindi Ako nagmula sa lupa, sinabi Ko na sa iyo—kailangan mo itong maunawaan, ngunit nalimutan mo na ba ang ibang sinabi Ko sa iyo? ‘Hindi ka rin nagmula sa lupa, hindi ka nagmula sa mundo.’ Ngayon mismo, may gawaing kailangan mong gawin. Hindi ka maaaring magdalamhati nang ganito. Hindi ka maaaring magdusa nang ganito. Bagama’t ang tao at ang Diyos ay hindi maaaring umiral nang magkasama sa iisang mundo, mayroon Akong gawain at mayroon kang iyo, at balang araw kapag natapos ang gawain mo, tiyak na magkakasama tayo sa isang dako, at aakayin kita upang makasama Ko magpakailanman.” Naaliw at muling napanatag si Pedro nang marinig ang mga salitang ito. Alam niya na ang pagdurusang ito ay isang bagay na kinailangan niyang tiisin at maranasan, at mula noon, nagkaroon siya ng inspirasyon. Sadyang nagpakita sa kanya si Jesus sa bawat mahalagang sandali, na binibigyan siya ng espesyal na kaliwanagan at patnubay, at maraming ginawa si Jesus na gawain sa kanyang kalooban. At ano ang bagay na higit na pinagsisihan ni Pedro? Hindi pa natatagalan matapos sabihin ni Pedro na “Ikaw ang Anak ng buhay na Diyos,” nagpahayag ng isa pang tanong si Jesus kay Pedro (bagama’t hindi ito nakatala sa Bibliya sa ganitong paraan). Tinanong siya ni Jesus: “Pedro! Minahal mo na ba Ako kahit minsan?” Naunawaan ni Pedro ang ibig Niyang sabihin, at sinabi: “Panginoon! Minsa’y minahal ko ang Ama sa langit, ngunit inaamin ko hindi Kita minahal kailanman.” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Kung hindi minamahal ng mga tao ang Ama sa langit, paano nila mamahalin ang Anak sa lupa? At kung hindi minamahal ng mga tao ang Anak na isinugo ng Diyos Ama, paano nila mamahalin ang Ama sa langit? Kung tunay na minamahal ng mga tao ang Anak sa lupa, tunay nilang minamahal ang Ama sa langit.” Nang marinig ni Pedro ang mga salitang ito, natanto niya ang kanyang naging pagkukulang. Lagi siyang nagsisisi at umiiyak dahil sa kanyang mga salitang “Minsan ay minahal ko ang Ama sa langit, ngunit hindi Kita minahal kailanman.” Pagkaraang mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit si Jesus, nakadama siya ng higit na pagsisisi at dalamhati sa mga salitang ito. Kapag naaalala niya ang kanyang nakaraang gawain at kasalukuyang tayog, madalas siyang nagdarasal kay Jesus, na laging nakadarama ng pagsisisi at pagkakautang dahil sa hindi niya natugunan ang mga layunin ng Diyos at hindi siya umabot sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga isyung ito ang naging pinakamalaki niyang pasanin. Sabi niya, “Balang araw ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako at lahat ng pagkatao ko, at ibibigay ko sa Iyo iyong pinakamahalaga.” Sabi niya, “O Diyos! Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Walang halaga ang aking buhay, at walang halaga ang aking katawan. Iisa lamang ang aking pananampalataya at iisa lamang ang aking minamahal. Sumasampalataya ako sa Iyo sa aking isipan at minamahal Kita sa puso ko; ang dalawang bagay na ito lamang ang tanging maibibigay ko sa Iyo at wala nang iba pa.” Lubhang lumakas ang loob ni Pedro sa mga salita ni Jesus, dahil bago ipinako si Jesus sa krus, nasabi Niya kay Pedro: “Hindi Ako nagmula sa mundong ito, at hindi ka rin nagmula sa mundong ito.” Kalaunan, nang makadama si Pedro ng matinding pasakit, pinaalalahanan siya ni Jesus: “Pedro, nalimutan mo na ba? Hindi Ako nagmula sa mundo, at lumisan lamang Ako nang mas maaga para sa Aking gawain. Hindi ka rin nagmula sa mundo, nalimutan mo na ba talaga? Dalawang beses Ko nang sinabi sa iyo, hindi mo ba natatandaan?” Nang marinig ito ni Pedro, sinabi niya, “Hindi ko pa nalilimutan!” Pagkatapos ay sinabi ni Jesus: “Minsan ka nang masayang nakipagtipon sa Akin sa langit at isang panahon sa Aking tabi. Nangungulila ka sa Akin, at nangungulila Ako sa iyo. Bagama’t hindi karapat-dapat na banggitin ang mga nilikha sa Aking mga mata, paanong hindi Ko mamahalin iyong walang-malay at kaibig-ibig? Nalimutan mo na ba ang Aking pangako? Kailangan mong tanggapin ang Aking tagubilin sa lupa; kailangan mong tuparin ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa iyo. Balang araw tiyak na aakayin kita patungo sa Aking tabi.” Matapos itong marinig, mas lumakas ang loob ni Pedro at tinanggap ang mas malaki pang inspirasyon, nang sa gayon nang siya ay nasa krus, nasabi niyang: “O Diyos! Hindi ko magawang mahalin Ka nang sapat! Kahit hilingin Mong mamatay ako, hindi pa rin Kita maaaring mahalin nang sapat! Saan Mo man akayin ang aking kaluluwa, tuparin Mo man o hindi ang dati Mong mga pangako, anuman ang gawin Mo pagkatapos, mahal Kita at naniniwala ako sa Iyo.” Ang kanyang pinanghawakan ay ang kanyang pananampalataya, at tunay na pagmamahal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 522
Dapat ay malinaw mo nang makita ngayon kung ano mismo ang landas na tinahak ni Pedro. Kung malinaw mong nakikita ang landas ni Pedro, makatitiyak ka sa gawaing ginagawa ngayon, para hindi ka magreklamo o maging negatibo, o manabik sa anuman. Dapat mong maranasan ang lagay ng isipan ni Pedro noong panahong iyon: Labis siyang nalungkot, hindi na siya humiling ng partikular na kinabukasan o ng anumang mga pagpapala, at hindi niya hinangad ang makamundong kasikatan, pakinabang, kaligayahan, kayamanan, o katayuan; hinangad lamang niyang isabuhay ang pinakamakabuluhang buhay, na kinasasangkutan ng pagsukli sa pagmamahal ng Diyos at paglalaan ng itinuring niyang ganap na pinakamahalaga sa Diyos. Sa gayon ay malulugod siya sa kanyang puso. Madalas siyang manalangin kay Jesus sa mga salitang: “Panginoong Jesucristo, minsan Kitang minahal, ngunit hindi Kita tunay na minahal. Bagama’t sinabi kong may pananampalataya ako sa Iyo, kailanma’y hindi Kita minahal nang taos-puso. Iginalang lamang Kita, pinagpitaganan Kita, at pinangulilahan Kita, ngunit hindi Kita minahal kailanman ni hindi ako talaga nagkaroon ng pananampalataya sa Iyo.” Palagi siyang nanalangin upang matibay siyang makapagpasya, at palagi siyang nahikayat sa mga salita ni Jesus at naganyak siya mula sa mga iyon. Kalaunan, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, sinubok siya ni Jesus, na inuudyukan siyang manabik pang lalo sa Kanya. Sinabi niya, “Panginoong Jesucristo! Labis akong nangungulila sa Iyo, at nananabik akong masilayan Ka. Labis akong nagkukulang, at hindi ko matumbasan ang Iyong pagmamahal. Nagmamakaawa akong kunin Mo na ako kaagad. Kailan Mo ako kakailanganin? Kailan Mo ako kukunin? Kailan ko muling masisilayan ang Iyong mukha? Ayaw ko nang mabuhay sa katawang ito, upang magpatuloy sa pagiging tiwali, ni hindi ko nais na maghimagsik pa. Handa akong ilaan sa Iyo ang lahat ng mayroon ako sa lalong madaling panahon, at ayaw kong palungkutin Ka pa.” Ganito siya nanalangin, ngunit hindi niya alam sa panahong ito kung ano ang gagawing perpekto ni Jesus sa kanya. Habang nahihirapan sa kanyang pagsubok, nagpakitang muli si Jesus sa kanya at sinabing: “Pedro, nais Kong gawin kang perpekto, hanggang sa ikaw ay maging isang piraso ng bunga, na siyang bubuo sa Aking pagpeperpekto sa iyo, at siyang ikasisiya Ko. Maaari ka bang tunay na magpatotoo para sa Akin? Nagawa mo ba ang ipinagawa Ko sa iyo? Naisabuhay mo ba ang mga salitang nasambit Ko? Minsan mo Akong minahal, ngunit kahit minahal mo Ako, naisabuhay mo ba Ako? Ano ang nagawa mo para sa Akin? Kinikilala mo na hindi ka karapat-dapat sa Aking pagmamahal, ngunit ano ang nagawa mo para sa Akin?” Nakita ni Pedro na wala siyang nagawa para kay Jesus at naalala niya ang dating pangako na ibibigay niya ang kanyang buhay para sa Diyos. At kaya, hindi na siya nagreklamo, at ang kanyang mga panalangin pagkatapos niyon ay mas bumuti pa. Nanalangin siya, sinasabing, “Panginoong Jesucristo! Minsan Kitang tinalikuran, at minsan Mo rin akong tinalikuran. Gumugol tayo ng panahon na magkahiwalay, at ng panahon na magkasama. Subalit minahal Mo ako nang higit sa lahat. Paulit-ulit akong naghimagsik laban sa Iyo at paulit-ulit Kitang pinagdalamhati. Paano ko malilimutan ang gayong mga bagay? Lagi kong isinasaisip at hindi ko kinalilimutan ang gawaing nagawa mo sa akin at ang naipagkatiwala Mo sa akin. Nagawa ko ang lahat ng makakaya ko para sa gawaing nagawa Mo sa akin. Alam Mo kung ano ang kaya kong gawin, at alam Mo rin kung anong tungkulin ang kaya kong gampanan. Nais kong magpasailalim sa Iyong mga pamamatnugot, at ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako. Ikaw lamang ang nakakaalam kung ano ang kaya kong gawin para sa Iyo. Bagama’t labis akong nilinlang ni Satanas at naghimagsik ako laban sa Iyo, naniniwala ako na hindi Mo natatandaan ang mga pagsalangsang ko dahil dito, at hindi Mo binabatay rito ang Iyong pagtrato sa akin. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa Iyo. Wala akong hinihiling, ni wala akong ibang mga inaasam o mga plano; nais ko lamang kumilos ayon sa Iyong mga layunin at sumunod sa Iyong kalooban. Iinom ako mula sa Iyong mapait na saro, at ipaubaya ang sarili ko sa Iyong mga pamamatnugot.”
Kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tinatahak; kailangang maging malinaw sa inyo ang landas na inyong tatahakin sa hinaharap, kung ano ang gagawing perpekto ng Diyos, at kung ano ang naipagkatiwala sa inyo. Balang araw, marahil, susubukin kayo, at pagdating ng panahong iyon, kung nakakuha kayo ng inspirasyon mula sa mga karanasan ni Pedro, ipapakita nito na talagang tumatahak kayo sa landas ni Pedro. Sinang-ayunan ng Diyos si Pedro sa kanyang tunay na pananalig at pagmamahal, at sa kanyang katapatan sa Diyos. At ginawa siyang perpekto ng Diyos dahil sa kanyang katapatan at taos-pusong pananabik sa Diyos. Kung totoong katulad ng kay Pedro ang taglay mong pagmamahal at pananampalataya, tiyak na gagawin kang perpekto ni Jesus.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 523
Noong siya ay kinakastigo ng Diyos, nanalangin si Pedro, “O Diyos! Ang aking laman ay mapaghimagsik, at kinakastigo Mo ako at hinahatulan ako. Ako ay nagagalak sa Iyong pagkastigo at paghatol, at kahit hindi Mo ako nais, sa Iyong paghatol ay nakikita ko ang Iyong banal at matuwid na disposisyon. Kapag hinahatulan Mo ako, kung makikita ng iba ang Iyong matuwid na disposisyon sa Iyong paghatol, ako ay masisiyahan. Sapat na ito kung ang paghatol Mo ay kayang ipahayag ang Iyong disposisyon at mapahihintulutan ang Iyong matuwid na disposisyon na makita ng lahat ng nilikha, at kung gagawin nitong mas dalisay ang aking puso na nagmamahal sa Iyo, upang makamit ko ang wangis ng isang taong matuwid. Mabuti ang paghatol Mong ito, dahil iyon mismo ang Iyong mabuting layunin. Batid ko na marami pa rin sa akin na mapaghimagsik, at na ako ay hindi pa rin nararapat na lumapit sa harap Mo. Nais kong ako ay mas hatulan Mo pa. Ilagay Mo man ako sa mga mapanlaban na kapaligiran o sa matitinding kapighatian, anuman ang gawin Mo, itinuturing ko ito bilang napakahalaga. Ang Iyong pag-ibig ay napakalalim, at handa akong magpasailalim sa Iyong pamamatnugot nang walang kahit katiting na pagdaing.” Ito ang kaalaman ni Pedro pagkatapos niyang maranasan ang gawain ng Diyos, at ito rin ay isang patotoo sa kanyang pag-ibig sa Diyos. Pagkatapos kayong malupig ngayon, sa paanong paraan ipinapahayag ang paglupig na ito sa inyo? May ilang taong nagsasabi na, “Ang paglupig sa akin ang napakalaking biyaya at pagtataas ng Diyos. Ngayon ko lamang napagtanto na ang buhay ng tao ay walang saysay at walang halaga. Sa sunod-sunod na salinlahi, ginugugol ng tao ang kanyang buhay na nagpaparoo’t parito, at nanganganak at nag-aalaga ng mga anak, at sa huli ay walang matitira sa kanya. Ngayon, matapos lupigin ng Diyos, saka ko lamang nakita na walang halaga ang pamumuhay sa ganitong pamamaraan; ito ay tunay na walang kabuluhang buhay. Mabuti pang mamatay na ako at nang matapos na ito!” Ang ganito bang mga tao na nalupig ay makakamit ng Diyos? Sila ba ay maaaring maging uliran at huwaran? Ang ganitong mga tao ay nagsisilbing negatibong halimbawa. Wala silang determinasyon, at hindi sila nagsusumikap na umunlad. Bagaman sila ay itinuturing na mga nalupig, ang ganitong mga tao na negatibo ay hindi kayang magawang perpekto. Noong malapit na siyang mamatay, matapos siyang gawing perpekto, sinabi ni Pedro, “O Diyos! Kung ako ay mabubuhay ng ilang taon pa, nais kong maabot ang mas higit na dalisay at higit na malalim na pag-ibig sa Iyo.” Noong siya ay ipapako na sa krus, nanalangin siya sa kanyang puso, “O Diyos! Ang Iyong panahon ay dumating na ngayon; ang panahong Iyong inihanda para sa akin ay dumating na. Ako ay dapat na maipako sa krus para sa Iyo, dapat akong magbigay ng patotoong ito para sa Iyo, at umaasa ako na ang aking pag-ibig ay makatutugon sa Iyong mga hinihingi, at na ito ay mas magiging dalisay. Ngayon, ang magawang mamatay para sa Iyo, at maipako sa krus para sa Iyo, ay nagpaparamdam sa akin ng kaginhawahan at kapayapaan, sapagkat maaari akong maipako sa krus para sa Iyo at makatugon sa Iyong mga ninanais. Ang maibigay sa Iyo ang aking sarili, at maialay sa Iyo ang aking buhay ay sukdulang nagbibigay-kasiyahan sa akin. O Diyos! Ikaw ay lubhang kaibig-ibig! Kung pahihintulutan Mo akong mabuhay, lalo pa akong magiging handang ibigin Ka. Habang ako ay nabubuhay, iibigin Kita. Nais kong ibigin Ka pa nang higit na malalim. Hinahatulan Mo ako, at kinakastigo at sinusubok dahil ako ay hindi matuwid, dahil ako ay nagkasala. At ang Iyong matuwid na disposisyon ay nagiging higit na maliwanag sa akin. Ito ay isang pagpapala sa akin, sapagkat nagagawa Kitang ibigin nang mas malalim. Handa akong ibigin Ka sa ganitong paraan kahit na hindi Mo ako iniibig. Handa akong makita ang Iyong matuwid na disposisyon, sapagkat dahil dito ay mas nagagawa kong isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Palagi kong nararamdaman na ang buhay ko ngayon ay mas makabuluhan, sapagkat ipinapako ako sa krus dahil sa Iyo, at makabuluhan ang mamatay para sa Iyo. Gayon pa man hindi pa rin ako nakakaramdam ng kasiyahan, sapagkat lubhang kakaunti ang nalalaman ko tungkol sa Iyo, batid ko na hindi ko ganap na matutupad ang Iyong mga nais, at kakaunti lamang ang isinukli ko sa Iyo. Sa aking buhay, hindi ko nagawang lubusan Kang suklian; malayo pa ako roon. Habang nagbabalik-tanaw ako ngayon, nararamdaman ko ang lubhang pagkakautang ko sa Iyo, at ang sandaling ito lamang ang mayroon ako upang makabawi sa lahat ng pagkakamali ko at lahat ng pag-ibig na hindi ko naibalik sa Iyo.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 524
Dapat hangarin ng lahat ng tao na maisabuhay ang isang makabuluhang buhay, at hindi sila dapat masiyahan sa kanilang kasalukuyang mga kalagayan. Dapat nilang maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat nilang taglayin ang kaalaman at mga karanasan ni Pedro. Dapat nilang hangarin ang mga bagay na mas matatayog at mas malalalim. Dapat nilang hangarin ang isang mas malalim at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos, at isang buhay na may halaga at kabuluhan. Ito lamang ang buhay; sa ganito lamang sila magiging katulad ni Pedro. Dapat kang tumuon sa kusang pagpasok sa positibong panig, at hindi ka dapat maging negatibo at hindi mo dapat hayaan ang iyong sarili na umurong dahil kontento ka na sa pansamantalang ginhawa, habang kasabay nito ay binabalewala mo ang mas malalim, mas detalyado, at mas praktikal na mga katotohanan. Dapat kang magtaglay ng praktikal na pagmamahal, at dapat kang humanap ng lahat ng posibleng paraan upang mapalaya ang iyong sarili mula sa dekadente at pamumuhay nang walang inaalala na walang ipinagkaiba sa pamumuhay ng isang hayop. Dapat mong isabuhay ang isang buhay na may kabuluhan, isang buhay na may halaga, at hindi mo dapat linlangin ang iyong sarili o tratuhin ang iyong buhay na parang isang laruan na paglalaruan. Para sa lahat ng may determinasyon at nagmamahal sa Diyos, walang katotohanang hindi maaabot at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para matugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay pa sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong uri ng determinasyon at pagtitiyaga, at hindi dapat maging mahina na walang lakas ng loob. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makabuluhang buhay at maranasan ang makabuluhang mga katotohanan, at hindi mo dapat tratuhin ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganoong paraan. Ang iyong buhay ay lilipas nang hindi mo namamalayan; pagkatapos niyon, magkakaroon ka pa rin ba ng ganitong uri ng oportunidad na mahalin ang Diyos? Maaari bang mahalin ng tao ang Diyos pagkatapos niyang bawian ng buhay? Dapat kang magkaroon ng determinasyon at ng konsensiya na katulad ng kay Pedro; dapat kang mamuhay ng makabuluhang buhay, at hindi mo dapat paglaruan ang iyong sarili. Bilang isang tao, at bilang isang tao na naghahangad sa Diyos, dapat mong isaalang-alang at harapin nang maingat ang buhay mo—isinasaalang-alang kung paano mo dapat ialay ang iyong sarili sa Diyos, kung paano ka dapat magkaroon ng isang mas makabuluhang pananalig sa Diyos, at dahil iniibig mo ang Diyos, kung paano mo Siya dapat ibigin sa paraang mas dalisay, mas maganda, at mas mabuti. Sa kasalukuyan, hindi ka maaaring makontento na lamang sa kung paano ka lulupigin, kundi dapat mo ring isaalang-alang kung paano mo dapat tahakin ang landas na nasa iyong harapan. Dapat mayroon kang determinasyon at lakas ng loob na magawang perpekto, at hindi mo dapat laging isipin na wala kang kapabilidad. Matatrato ba nang hindi patas ng katotohanan ang mga tao? Maaari bang sadyang kontrahin ng katotohanan ang mga tao? Kung hahangarin mo ang katotohanan, kaya ka ba nitong mapangibabawan? Kung maninindigan ka para sa katarungan, pababagsakin ka ba nito? Kung tunay ngang determinado kang hangarin ang buhay, kaya ka bang iwasan ng buhay? Kung wala sa iyo ang katotohanan, hindi iyon dahil hindi ka pinapansin ng katotohanan, kundi dahil lumalayo ka mula sa katotohanan; kung hindi mo kayang manindigan para sa katarungan, hindi iyon dahil sa may mali sa katarungan, kundi dahil sa naniniwala kang binabaluktot ng katarungan ang mga katunayan; kung hindi mo nakamit ang buhay pagkatapos ng maraming taong paghahangad, hindi iyon dahil ipinapakita sa iyo ng buhay ang kawalang-konsensiya, kundi dahil sa wala kang ipinapakitang konsensiya sa buhay, at naitaboy mo ang buhay; kung namumuhay ka sa liwanag pero hindi mo nakamit ang liwanag, iyon ay hindi dahil sa hindi ka kayang tanglawan ng liwanag, kundi dahil sa hindi mo binigyang-pansin ang pag-iral ng liwanag, at kaya tahimik kang nilisan ng liwanag. Kung hindi ka naghahangad, masasabi lamang na ikaw ay walang kuwentang basura, at walang lakas ng loob na mamuhay, at hindi mo taglay ang espiritu para labanan ang mga puwersa ng kadiliman. Masyado kang duwag! Hindi mo magawang kumawala sa pagpalibot ng mga puwersa ni Satanas, at handa ka lamang gugulin ang iyong buhay sa ganitong uri ng kapayapaan at seguridad, at mamatay sa kamangmangan. Ang paghahangad na malupig ang dapat mong kamtin; ito ang hinihinging obligasyon sa iyo. Kung kontento ka nang malupig lang, itinataboy mo ang pag-iral ng liwanag. Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang dumanas ng higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pagkakasundo ng pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng ganoong kaordinaryo at kamakamundong buhay, at wala kang anumang layong hinahangad, hindi ba’t pagsasayang ito ng iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa kaunting kasiyahan. Ang ganitong mga tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 525
Kinakastigo at hinahatulan ng Diyos ang tao dahil kinakailangan ito ng Kanyang gawain, at, higit pa rito, dahil kailangan ito ng tao. Kailangan ng tao na makastigo at mahatulan, at saka lamang niya makakamit ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngayon, kayo ay lubos nang kumbinsido, ngunit kapag kayo ay naharap sa kahit napakaliit na dagok ay nahihirapan na kayo; ang inyong tayog ay napakababa pa rin, at kailangan pa rin ninyong makaranas ng higit pang gayong pagkastigo at paghatol para magtamo ng mas malalim na kaalaman. Ngayon, kayo ay medyo may kaunting may-takot-sa-Diyos na puso, at natatakot kayo sa Diyos, at batid ninyong Siya ang tunay na Diyos, ngunit wala kayong masyadong pag-ibig para sa Kanya, lalong hindi pa ninyo natamo ang dalisay na pag-ibig; ang inyong kaalaman ay napakababaw, at ang inyong tayog ay hindi pa rin sapat. Kapag kayo ay tunay na nahaharap sa isang kapaligiran, hindi pa kayo nakapagpatotoo, napakakaunti ng inyong positibong pagpasok, at wala kayong ideya kung paano magsagawa. Karamihan ng mga tao ay negatibo at pasibo; palihim lamang nilang iniibig sa kanilang puso ang Diyos, ngunit wala silang paraan ng pagsasagawa, at hindi rin malinaw sa kanila kung ano ang kanilang mga layon. Ang mga taong nagawang perpekto ay hindi lamang nagtataglay ng normal na pagkatao, kundi nagtataglay ng mga katotohanang nakahihigit sa mga sukat ng konsensiya, na mas mataas pa sa mga pamantayan ng konsensiya. Hindi lamang nila ginagamit ang kanilang konsensiya upang masuklian ang pag-ibig ng Diyos, ngunit, higit pa rito, nakilala na nila ang Diyos, at nakita na nila na ang Diyos ay kaibig-ibig, at na karapat-dapat Siyang ibigin ng tao, at napakaraming bagay ang kaibig-ibig tungkol sa Diyos at hindi maiiwasan ng tao na ibigin Siya. Ang pag-ibig para sa Diyos ng mga nagawang perpekto ay upang tuparin nila ang kanilang sariling personal na determinasyon. Ang pag-ibig nila ay pag-ibig na kusa, isang pag-ibig na hindi humihiling ng kapalit, at na hindi isang transaksyon. Iniibig nila ang Diyos dahil lamang sa kanilang pagkakilala sa Kanya at wala nang iba pa. Hindi iniisip ng gayong mga tao kung pinagkakalooban ba sila ng Diyos ng mga biyaya, at kontento na sila na mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi sila nakikipagtawaran sa Diyos, at hindi rin nila sinusukat ang kanilang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng konsensiya: “Nagbigay Ka sa akin, kaya minamahal Kita bilang kapalit. Kung hindi Ka nagbibigay sa akin, wala akong anumang maibibigay na kapalit sa Iyo.” Ang mga nagawang perpekto ay laging naniniwala na, “Ang Diyos ang Lumikha, at isinasakatuparan Niya ang gawaing ito sa atin. Dahil mayroon akong pagkakataon, kondisyon, at kalipikasyon na ito upang magawang perpekto, ang dapat kong hangarin ay ang magsabuhay ng isang makabuluhang buhay, at dapat ko Siyang mapalugod.” Katulad lamang ito ng naranasan ni Pedro: Noong siya ay nasa pinakamahinang punto niya, nanalangin siya sa Diyos at sinabing, “O Diyos! Alam Mo na, kahit anong panahon at saanmang dako, palagi akong nangungulila sa Iyo, at na kahit anong panahon at saanmang dako, gusto Kitang ibigin, ngunit ang aking tayog ay napakababa, ako ay masyadong mahina at walang kapangyarihan, ang aking pag-ibig ay masyadong limitado, at ang aking sinseridad sa Iyo ay masyadong kaunti. Kung ihahambing sa Iyong pagmamahal, sadyang hindi ako nararapat mabuhay. Nais ko lamang na ang aking buhay ay hindi mawalan ng kabuluhan, at na hindi ko lamang masuklian ang Iyong pag-ibig, kundi, higit pa rito, mailaan ko sa Iyo ang lahat-lahat ng mayroon ako. Kung mapapalugod Kita, bilang isang nilikha, magkakaroon ako ng payapang isipan at hindi na ako hihiling nang higit pa. Bagama’t ako ay mahina at walang lakas ngayon, hindi ko malilimutan ang Iyong mga tagubilin, at hindi ko malilimutan ang Iyong pag-ibig. Ngayon, wala akong ibang ginagawa kundi ang suklian ang Iyong pag-ibig. O Diyos, lubhang nababagabag ang damdamin ko! Paano ko maibabalik sa Iyo ang pag-ibig sa aking puso, paano ko magagawa ang lahat ng aking makakaya, at magagawang tuparin ang Iyong mga ninanais, at maiaalay ang lahat ng mayroon ako sa Iyo? Alam Mo ang kahinaan ng tao; paano ako magiging karapat-dapat sa Iyong pag-ibig? O Diyos! Alam Mong ako ay mayroong mababang tayog, na katiting lamang ang aking pag-ibig. Paano ko magagawa ang lahat ng makakaya ko sa ganitong uri ng kapaligiran? Alam kong dapat kong suklian ang Iyong pag-ibig, alam kong dapat kong ibigay sa Iyo ang lahat ng mayroon ako, ngunit ngayon ay lubhang mababa ang aking tayog. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng lakas at pananalig, upang higit pa akong makapaglaan sa Iyo ng isang dalisay na pag-ibig, makapaglaan sa Iyo ng lahat ng mayroon ako, at hindi lamang magawang suklian ang Iyong pag-ibig, kundi ang mas mahalaga pa ay maranasan ang Iyong pagkastigo, paghatol, at mga pagsubok, at ang mas matitindi pang sumpa. Pinahintulutan Mo akong mapagmasdan ang Iyong pag-ibig, at wala akong kakayahang hindi Ka ibigin, at kahit na ako ay mahina at walang lakas ngayon, paano ba Kita malilimutan? Ang Iyong pag-ibig, pagkastigo, at paghatol ay lahat naging dahilan upang makilala Kita, ngunit pakiramdam ko rin ay wala akong kapabilidad na matugunan ang Iyong pag-ibig, dahil Ikaw ay napakadakila. Paano ko ba mailalaan sa Lumikha ang lahat ng mayroon ako?” Iyon ang kahilingan ni Pedro, gayumpaman, ang kanyang tayog ay hindi sapat. Sa sandaling ito, naramdaman niya na para bang iniikot-ikot ang isang kutsilyo sa kanyang puso. Siya ay nasa matinding paghihirap; hindi niya batid kung ano ang dapat gawin sa ilalim ng ganoong mga kalagayan. Gayunman ay nagpatuloy siya sa pananalangin, “O Diyos! Ang tayog ng tao ay mababa, ang kanyang konsensiya ay mahina, at ang tanging kaya kong gawin ay suklian ang Iyong pagmamahal. Ngayon, hindi ko alam kung paano tugunan ang Iyong mga layunin, at ang tanging nais ko ay gawin ang lahat ng aking makakaya, ibigay ang lahat ng mayroon ako, at italaga ang lahat ng mayroon ako sa Iyo. Anuman ang Iyong maging paghatol, anuman ang Iyong pagkastigo, nagkakaloob Ka man ng mga bagay sa akin, o bumabawi ng mga bagay sa akin, pakiusap, alisan Mo ako ng kahit katiting na reklamo laban sa Iyo. Maraming pagkakataon, noong ako ay kinastigo at hinatulan Mo, palagi akong may mga reklamo sa loob ko, at hindi ko kayang makamit ang kadalisayan, o mapalugod ang Iyong mga ninanais. Ang pagsukli ko sa Iyong pag-ibig ay nagmula sa kawalan ng ibang pagpipilian, at sa sandaling ito kinamumuhian ko nang higit pa ang sarili ko.” Ang paghahanap niya ng mas dalisay na pagmamahal sa Diyos ang dahilan kung bakit nanalangin si Pedro nang ganito. Siya ay naghahanap, at nagsusumamo, at, higit pa rito, ay sinisisi niya ang kanyang sarili, at umaamin sa kanyang mga pagkakasala sa Diyos. Pakiramdam niya ay may pagkakautang siya sa Diyos, at nakaramdam siya ng pagkamuhi sa kanyang sarili, gayunman, siya ay nalungkot din nang bahagya at negatibo. Laging gayon ang pakiramdam niya, na parang hindi siya makaabot sa mga layunin ng Diyos, at hindi niya magawa ang lahat ng kanyang makakaya. Sa ilalim ng ganoong kalagayan, ipinagpatuloy ni Pedro ang paghahangad na magkaroon ng pananalig na tulad ng kay Job. Nakita niya kung gaano kalaki ang naging pananalig ni Job, sapagkat nakita ni Job na ang lahat ng pag-aari niya ay ipinagkaloob ng Diyos, at likas para sa Diyos na bawiin ang lahat ng kanyang mga pag-aari, at ibigay ang mga ito ng Diyos sa kahit kanino man Niya naisin—gayon ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Si Job ay walang mga reklamo, at nagagawa pa ring magpuri sa Diyos. Kilala rin ni Pedro ang sarili niya, at sa kanyang puso siya ay nanalangin, “Ngayon, hindi ako dapat makontento na suklian ang Iyong pag-ibig gamit ang aking konsensiya at kahit gaano karaming pag-ibig ang ibigay ko pabalik sa Iyo, dahil ang aking mga kaisipan ay lubhang tiwali, at dahil wala akong kakayahang makita Ka bilang ang Lumikha. Dahil hindi pa rin ako karapat-dapat na umibig sa Iyo, dapat kong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo, at gawin ito nang maluwag sa kalooban, dapat kong malaman lahat ng Iyong mga nagawa, at hindi ko dapat gawin ang mga sarili kong pagpili, at dapat kong mamasdan ang Iyong pag-ibig, at makapagsalita ako ng mga papuri sa Iyo, at purihin ang Iyong banal na pangalan, upang Ikaw ay magkamit ng dakilang kaluwalhatian sa pamamagitan ko. Handa akong manindigan sa patotoong ito para sa Iyo. O Diyos! Ang Iyong pag-ibig ay napakahalaga at napakaganda; paano ko gugustuhing mabuhay sa mga kamay ng masama? Hindi ba’t ako ay Iyong ginawa? Paano ako mabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Mas gugustuhin kong mabuhay ang aking kabuuan sa gitna ng Iyong pagkastigo kaysa mabuhay ako sa ilalim ng kapangyarihan ng masama. Handa akong ilaan ang aking katawan at puso sa Iyong paghatol at pagkastigo, hangga’t maaari akong malinis, at maiaalay ko sa Iyo ang lahat-lahat ng sa akin, sapagkat kinamumuhian ko si Satanas, at hindi ko gustong mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan nito. Sa pamamagitan ng Iyong paghatol sa akin, ipinapahayag Mo ang Iyong matuwid na disposisyon; ganap akong handa, at wala akong kahit katiting na reklamo. Hangga’t kaya kong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, handa ako na gugulin ang aking buong buhay nang kasama ang Iyong paghatol, at na sa gayon ay makilala ko ang Iyong matuwid na disposisyon, at iwaksi ko ang impluwensiya ng masama.” Laging nagdarasal si Pedro sa ganitong paraan, laging naghahangad sa ganitong paraan, at naabot niya ang isang mataas-taas na antas. Hindi lamang niya nagawang suklian ang pag-ibig ng Diyos, kundi, mas mahalaga, natupad rin niya ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Hindi lamang sa hindi siya sinasaway ng kanyang konsensiya, kundi nalampasan din niya ang mga pamantayan ng konsensiya. Patuloy na nakaabot sa Diyos ang kanyang mga panalangin, anupa’t ang kanyang mga kapasyahan ay lumago nang lumago, at mas lalo siyang nagtataglay ng mapagmahal-sa-Diyos na puso. Bagaman nagdurusa siya ng matinding sakit, hindi pa rin niya nilimot na ibigin ang Diyos, at patuloy pang hinanap na makamtan ang kaunawaan sa mga layunin ng Diyos. Sa kanyang mga panalangin ay binigkas niya ang sumusunod na mga salita: “Natupad ko ang hindi hihigit sa pagsukli sa Iyong pag-ibig. Hindi ako nagpatotoo para sa Iyo sa harap ni Satanas, hindi ko napalaya ang sarili ko mula sa impluwensiya ni Satanas, at nanatiling namumuhay sa gitna ng laman. Nais kong gamitin ang aking pag-ibig para madaig si Satanas, hiyain ito, at nang sa gayon ay matugunan ko ang Iyong mga layunin. Nais kong ibigay sa Iyo ang buong sarili ko, at hindi ibigay ni katiting man ng aking sarili kay Satanas, dahil si Satanas ay Iyong kaaway.” Habang lalo siyang naghahanap sa daang ito, lalo rin siyang naaantig, at lalong lumalaki ang kanyang kaalaman sa mga bagay na ito. Nang hindi namamalayan, nabatid niyang kailangan niyang kumawala sa impluwensiya ni Satanas, at dapat niyang ganap na ibigay sa Diyos ang kanyang sarili. Iyon ang antas na kanyang naabot. Nilalagpasan niya ang impluwensiya ni Satanas, at naiwawaksi sa kanyang sarili ang mga kasiyahan at mga kagustuhan ng laman, at handa siyang maranasan nang mas malalim kapwa ang pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sinabi niya, “Kahit na ako ay nabubuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo, at sa gitna ng Iyong paghatol, gaano man ito kasakit, ayaw ko pa ring mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ayaw ko pa ring mamuhay ng isang buhay kung saan ginagawa akong hangal ni Satanas. Itinuturing kong kaligayahan ang pamumuhay sa gitna ng Iyong mga sumpa, at itinuturing kong pasakit ang pamumuhay sa gitna ng mga pagpapala ni Satanas. Minamahal Kita habang namumuhay sa gitna ng Iyong paghatol, at napupuno nito ng labis na kagalakan ang puso ko. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay katuwiran at kabanalan; ito ay upang linisin ako, at higit pa rito, ito ay upang iligtas ako. Mas gugustuhin kong gugulin ang aking buong buhay sa gitna ng Iyong paghatol nang tinatanggap ang Iyong pangangalaga, kaysa mamuhay nang kahit isang saglit sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Nais kong malinis Mo ako; kahit na ako ay magdusa, ayaw kong magamit at maloko ni Satanas. Ako, ang nilikhang ito, ay dapat na magamit Mo, ariin Mo; dapat din akong mahatulan Mo, at makastigo Mo, at masumpa Mo pa nga. Masaya ang puso ko kapag handa Kang pagpalain ako, sapagkat nakita ko ang Iyong pagmamahal. Ikaw ang Lumikha, at ako ay isang nilikha: Hindi ako dapat magkanulo sa Iyo at mamuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, ni hindi ako dapat magamit ni Satanas. Dapat akong maging kabayo Mo, o baka Mo, sa halip na mamuhay para kay Satanas. Mas gugustuhin kong mamuhay sa gitna ng Iyong pagkastigo, nang walang kasiyahan ng laman, at ito ay magbibigay-kasiyahan sa akin kahit na mawalan ako ng Iyong biyaya. Bagama’t ang Iyong biyaya ay wala sa akin, masisiyahan pa rin ako sa Iyong pagkastigo at sa Iyong paghatol. Ito ang Iyong pinakamainam na pagpapala, ang Iyong pinakadakilang biyaya. Bagaman Ikaw ay palaging maharlika at puno ng poot sa akin, hindi pa rin Kita magawang iwanan, at hindi pa rin Kita maiibig nang sapat. Pipiliin kong manirahan sa Iyong tahanan, pipiliin kong maisumpa, makastigo, at mahampas Mo, kaysa mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, o magparoo’t parito at magpakaabala para lamang sa laman, lalong hindi ko pipiliing mabuhay para sa laman.” Ang pag-ibig ni Pedro ay isang dalisay na pag-ibig. Ito ang karanasan ng ginagawang perpekto, at ang pinakamataas na antas ng magawang perpekto; walang buhay na mas makabuluhan. Tinanggap niya ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, pinahalagahan niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang katangian ni Pedro. Sinabi niya, “Binibigyan ako ni Satanas ng mga materyal na kasiyahan ngunit hindi ko pinahahalagahan ang mga iyon. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay sumasapit sa akin—itinuturing ko ito bilang biyaya, bilang pinagmumulan ng kasiyahan, at bilang pagpapala. Kung hindi dahil sa paghatol ng Diyos ay hindi ko kailanman iibigin ang Diyos, mananatili akong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at kinokontrol pa rin ni Satanas at nasa kamay nito. Kung gayon ang sitwasyon, hindi ako kailanman magiging isang tunay na tao, dahil hindi ko magagawang bigyang-lugod ang Diyos, at hindi ko magagawang ilaan sa Diyos ang aking kabuuan. Kahit na hindi ako pinagpapala ng Diyos, iniiwan akong walang kaaliwan sa loob, na para bang may nag-aapoy sa loob ko, at walang kapayapaan o kagalakan, at kahit na hindi kailanman nalalayo sa akin ang pagkastigo at pagdisiplina ng Diyos, sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos nakikita ko ang Kanyang matuwid na disposisyon. Lubos akong nasisiyahan dito; wala nang iba pang bagay ang mas mahalaga o mas makabuluhan sa buhay. Kahit na ang Kanyang proteksyon at pag-aalaga ay naging walang-awang pagkastigo, paghatol, mga sumpa, at paghampas, ako ay nasisiyahan pa rin sa mga bagay na ito, sapagkat ako ay mas mahusay na malilinis at mababago ng mga ito, madadala nang mas malapit sa Diyos, magagawa ko na higit pang magmahal sa Diyos, at magagawang mas dalisay ang aking pagmamahal sa Diyos. Tinutulutan ako nito na makayang tuparin ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at dinadala ako sa harap ng Diyos at malayo sa impluwensiya ni Satanas, at ginagawa nito na hindi na ako magserbisyo kay Satanas. Kapag hindi ako namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at naitatalaga ko na ang lahat ng bagay na mayroon ako at lahat ng maaari kong gawin para sa Diyos, nang walang reserba—iyon ay ang sandali na ako ay ganap na nasisiyahan. Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang nagligtas sa akin, at ang aking buhay ay hindi mahihiwalay mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Para sa akin, ang mamuhay sa lupa ay katulad ng pamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at kung hindi dahil sa pangangalaga at proteksyon ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, nabuhay sana ako palagi sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at higit pa rito, hindi sana ako nagkaroon ng pagkakataon o paraan na isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Tanging kapag hindi ako kailanman nililisan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, at binibigyang-daan ako na patuloy na malinis ng Diyos, at kasama ko ang mahihigpit na salita, matuwid na disposisyon, at maharlikang paghatol ng Diyos, saka lang ako nagkakamit ng sukdulang proteksyon, nakapamumuhay sa liwanag, at nagkakamit ng mga pagpapala ng Diyos. Ang magawang malinis, at mapalaya ang aking sarili mula kay Satanas, at mamuhay sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—ito ang pinakadakilang pagpapala sa buhay ko ngayon.” Ito ang pinakamataas na antas na naabot ni Pedro sa kanyang mga karanasan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 526
Ang tao ay nabubuhay sa gitna ng laman, na nangangahulugang nabubuhay siya sa impiyerno sa daigdig, at kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang tao ay kasingdumi ni Satanas. Paano magiging banal ang tao? Naniwala si Pedro: Ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ang pinakamabuting proteksyon at pinakadakilang biyaya sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol ng Diyos maaaring magising ang tao at mamuhi sa laman, mamuhi kay Satanas. Ang mahigpit na pagdisiplina ng Diyos ay nagpapalaya sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas, nagpapalaya sa kanya mula sa kanyang sariling maliit na mundo, at nagtutulot sa kanyang mamuhay sa liwanag ng mukha ng Diyos. Wala nang higit na mabuting pagliligtas kaysa sa pagkastigo at paghatol! Nanalangin si Pedro, “O Diyos! Hangga’t kinakastigo Mo at hinahatulan ako, malalaman ko na hindi Mo ako iniwan. Kahit na hindi Mo ako binibigyan ng kagalakan o kapayapaan, at idinudulot Mong mamuhay ako sa pagdurusa, at pinapatawan Mo ako ng hindi-mabilang na mga pagtutuwid, hangga’t hindi Mo ako iniiwan, ang puso ko ay magiging panatag. Ngayon, ang Iyong pagkastigo at paghatol ay naging pinakamabuting proteksyon ko at pinakadakilang pagpapala. Ang ibinibigay Mong biyaya sa akin ay nagpoprotekta sa akin. Ngayon, pinagkakalooban Mo ako ng biyaya, at ang biyayang ito ay pagbubunyag ng Iyong matuwid na disposisyon, at ito ay pagkastigo at paghatol; higit pa riyan, ito ay isang pagsubok, at isang buhay ng pagdurusa.” Nakayang bitiwan ni Pedro ang mga kasiyahan ng laman at hanapin ang isang mas malalim na pag-ibig at higit na proteksyon, dahil marami siyang nakamtang biyaya mula sa pagkastigo at paghatol ng Diyos. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin nang maayos ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at paghampas ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang palayain niya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensiya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Dapat mong malaman na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala para sa tao, at walang mas dakilang biyaya o mas mahusay na proteksyon. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng proteksyon ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalong magiging masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ay nalulugod ako, at nabibigyang-alo; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang pag-alo at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagtiis ng di-mailarawang pagdurusa, bagaman mayroon akong mga luha at pighati, batid Mo na ang pighating ito ay dahil sa aking paghihimagsik, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga layunin, nakadarama ako ng pighati at pagsisisi dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga hinihingi, ngunit handa akong abutin ang antas na ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay mapalugod. Ang Iyong pagkastigo ay nagsilbing proteksiyon sa akin, at ang pinakamainam na pagliligtas para sa akin; ang Iyong paghatol ay nangingibabaw sa Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at mapagmahal na kabaitan. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at mapagmahal na kabaitan; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Napakarami kong nakamit mula sa Iyong pagkastigo at paghatol. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha. Bagaman nakapagtiis ako ng daan-daang mga pagsubok at kapighatian, at muntik pa nga akong mamatay, natulutan ako ng mga ito na tunay Kang makilala at na magkamit ng napakadakilang kaligtasan. Kung ang Iyong pagkastigo, paghatol, at pagdisiplina ay lilisan mula sa akin, kung gayon ay mabubuhay ako sa kadiliman, sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Ano nga ba ang mga pakinabang ng laman ng tao? Kung ang Iyong pagkastigo at paghatol ay aalis sa akin, ito ay waring ang Iyong Espiritu ay nag-abandona sa akin, na waring Ikaw ay hindi ko na kasama. Kung magkagayon nga, paano ako magpapatuloy na mabuhay? Binigyan Mo ako ng karamdaman at kinuha Mo ang kalayaan ko, nagawa kong patuloy na mamuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mamuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, nawala na sana sa akin ang Iyong pagmamahal. Napakalalim ng pag-ibig Mo sa akin na hindi ko ito maipahayag gamit ang mga salita. Kung wala ang Iyong pagmamahal, ako ay mabubuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ko maitutuloy ang pamumuhay ko? Halos hindi ako makakapagpatuloy sa gayong kadiliman, sa gayong buhay. Ang makasama ang presensya Mo ay tulad ng pagkakita sa Iyo, kaya paano Kita magagawang iwanan? Nagmamakaawa ako sa Iyo nang may buong sinseridad, nakikiusap ako sa Iyo na huwag kunin ang aking pinakadakilang kaaliwan mula sa akin, kahit na kapiranggot lang ito ng Iyong mga salita na nagbibigay ng pag-alo. Natamasa ko ang Iyong pagmamahal, at ngayon ay hindi ako puwedeng mawalay sa Iyo; paano na hindi Kita maiibig? Marami akong itinangis na mga luha ng kalungkutan dahil sa Iyong pagmamahal, subalit lagi kong nararamdaman na ang isang buhay na gaya nito ay higit na makahulugan, higit akong napagyayaman, higit akong nababago, at higit akong tinutulutang makamit ang katotohanang taglay dapat ng mga nilikha.”
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 527
Ang buong buhay ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at wala ni isang tao ang kayang mag-isang palayain ang kanyang sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat ay namumuhay sa isang maruming sanlibutan, sa katiwalian at kahungkagan, wala ni katiting mang kahulugan o kahalagahan; namumuhay sila ng gayong buhay na walang inaalala, para sa laman, para sa pagnanasa, at para kay Satanas. Walang kahit katiting mang halaga sa kanilang pag-iral. Hindi kaya ng tao na mahanap ang katotohanang magpapalaya sa kanya mula sa impluwensiya ni Satanas. Kahit na nananampalataya ang tao sa Diyos at nagbabasa ng Bibliya, hindi niya nauunawaan kung paano siya makalalaya mula sa pagkontrol ng impluwensiya ni Satanas. Sa lahat ng mga kapanahunan, iilang tao lang ang nakatuklas ng lihim na ito, iilan lang ang nakaarok dito. Sa gayon, bagaman kinamumuhian ng tao si Satanas, at kinamumuhian ang laman, hindi niya alam kung paano makaalpas sa masamang impluwensiya ni Satanas. Ngayon, hindi ba’t nasa ilalim pa rin kayo ng kapangyarihan ni Satanas? Hindi ninyo pinagsisisihan ang inyong mga ginawang paghihimagsik, at lalong hindi ninyo nararamdaman na kayo ay marumi at mapaghimagsik. Pagkatapos na salungatin ang Diyos, mayroon pa nga kayong kapayapaan ng isipan at nakadarama ng lubhang kapanatagan. Ang kapanatagan mo ba ay hindi dahil sa ikaw ay tiwali? Hindi ba’t ang pagkaramdam na ito ng kapanatagan ay nagmumula sa iyong paghihimagsik? Ang tao ay namumuhay sa impiyerno sa daigdig, nabubuhay siya sa ilalim ng madilim na impluwensiya ni Satanas; sa buong lupa, ang mga multo ay naninirahan kasama ng tao, nanghihimasok sa laman ng tao. Sa lupa, hindi ka namumuhay sa isang magandang paraiso. Ang dako na kinaroroonan mo ay ang teritoryo ng mga diyablo, isang pantaong impiyerno, isang daigdig ng mga patay. Kung ang tao ay hindi nalilinis, siya ay nabibilang sa karumihan; kung hindi siya pinoprotektahan at kinakalinga ng Diyos, nananatili pa rin siyang bihag ni Satanas; kung hindi siya hinahatulan at kinakastigo, lalo pa siyang walang kapabilidad na makalaya sa paniniil ng madilim na impluwensiya ni Satanas. Ang tiwaling disposisyon na iyong ipinakikita at ang mapaghimagsik na pag-uugali na iyong isinasabuhay ay sapat upang patunayang ikaw ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung ang iyong isipan at mga iniisip ay hindi nalinis, at ang iyong disposisyon ay hindi pa nahahatulan at nakakastigo, kung gayon, ang iyong buong pagkatao ay hawak pa rin ng kapangyarihan ni Satanas, ang iyong isipan ay kontrolado ni Satanas, ang iyong mga iniisip ay manipulado ni Satanas, at ang buong pagkatao mo ay nasa mga kamay ni Satanas. Alam mo ba kung gaano ka pa kalayo, ngayon, mula sa mga pamantayan ni Pedro? Taglay mo ba ang kakayahang iyon? Gaano karami ang iyong nakikilala sa paghatol at pagkastigo ngayon? Gaano karami ang iyong taglay sa mga naunawaan ni Pedro? Kung, sa ngayon, ay hindi mo kayang malaman, maaari mo bang matamo ang kaalamang ito sa hinaharap? Ang isang tamad at duwag na gaya mo ay hindi talaga kayang makilala ang pagkastigo at paghatol. Kung iyong hahangarin ang kapayapaan ng laman, at ang mga kasiyahan ng laman, kung gayon hindi ka magkakaroon ng daan upang malinis, at sa katapusan ay ibibigay ka kay Satanas, sapagkat ang iyong isinasabuhay ay si Satanas, at ito ang laman. Sa katayuan ng mga bagay-bagay ngayon, maraming tao ang hindi man lang hinahangad ang buhay, ibig sabihin ay hindi nila pinapahalagahan ang pagiging nalinis, o ang pagpasok sa mas malalim na karanasan sa buhay. Kung gayon ay paano sila magagawang perpekto? Iyong mga hindi naghahangad ng buhay ay walang pagkakataong magawang perpekto, at iyong mga hindi naghahangad ng pagkakilala sa Diyos, hindi naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon, ay hindi kayang makatakas mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas. Hindi sila seryoso sa kanilang pagkakilala sa Diyos at sa kanilang pagpasok sa mga pagbabago sa kanilang mga disposisyon, katulad ng mga naniniwala sa relihiyon, na sumusunod lamang sa mga ritwal at dumadalo sa mga serbisyo. Hindi ba’t walang silbi iyan? Kung, sa pananampalataya ng tao sa Diyos, siya ay hindi seryoso tungkol sa mga bagay-bagay ng buhay, hindi naghahangad ng pagpasok sa katotohanan, hindi naghahangad ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at lalong hindi naghahangad ng pagkakilala sa gawain ng Diyos, kung gayon hindi siya magagawang perpekto. Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kabuluhan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin ang gawaing ito? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at pagkakilala na kapareho ng kay Pedro? Kung naghahangad ka ng pagkakilala sa Diyos at sa gawain ng Banal na Espiritu, at kung naghahangad ka ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataong magawang perpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 528
Para sa mga gagawing perpekto, ang hakbang na ito ng gawain ng pagiging nalupig ay kailangang-kailangan; sa sandaling nalupig ang tao ay saka pa lamang siya makararanas ng gawain ng pagpeperpekto. Walang malaking kahalagahan sa paggampan lamang ng papel ng pagiging nalupig, hindi ito magtutulot sa iyo na maging angkop na gamitin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng paraan na gampanan ang iyong bahagi kapag lumaganap ang ebanghelyo, sapagkat hindi mo hinahangad ang buhay, at hindi mo hinahangad ang mga pagbabago at pagpapanibago ng iyong sarili, kung kaya’t wala kang praktikal na karanasan sa buhay. Sa panahon ng gawaing ito nang paisa-isang hakbang, gumanap ka nang minsan bilang tagapagserbisyo at bilang isang hambingan, ngunit kung sa huli ay hindi mo hinahangad ang pagiging Pedro, at ang iyong paghahangad ay hindi kaayon sa landas kung saan si Pedro ay ginawang perpekto, kung gayon, natural, hindi ka makararanas ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, nagpatotoo ka na, at sasabihin mo, “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang gawain ng pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nakilala ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginawa ng Diyos, nagkaroon ako ng pagkakilala sa pagiging matuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nagprotekta at naglinis sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang mahihigpit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana nakilala ang Diyos, at ni hindi sana ako naligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilikha, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilikha ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilikhang nagawang tiwali ni Satanas, dapat tamasahin ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa riyan, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalarang makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang pagkakilala na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho kay Pedro; mayroon silang mga karanasan na pareho sa mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay ang mga nakatamo rin ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, magagawa nilang ganap na iwaksi sa kanilang sarili ang impluwensiya ni Satanas sa gitna ng paghatol ng Diyos, at makamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 529
Sina Adan at Eba na nilikha ng Diyos sa pasimula ay mga dalisay na tao, ibig sabihin, habang nasa Hardin ng Eden ay dalisay sila, walang bahid ng karumihan. Sila rin ay tapat kay Jehova, at wala silang alam tungkol sa pagkakanulo kay Jehova. Ito ay dahil hindi sila ginulo ng impluwensiya ni Satanas at wala silang lason ni Satanas. Sila ang pinakadalisay sa buong sangkatauhan. Sila ay namuhay sa Hardin ng Eden, hindi nabahiran ng anumang dumi, hindi naangkin ng laman, at may takot sila kay Jehova. Kalaunan, nang sila ay tinukso ni Satanas, nagkaroon sila ng lason ng ahas, at ng pagnanais na ipagkanulo si Jehova, at namuhay sila sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Sa pasimula, sila ay dalisay at may takot kay Jehova; sa ganitong kalagayan lamang sila tao. Kalaunan, pagkatapos silang tuksuhin ni Satanas, kinain nila ang bunga ng punongkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, at namuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Unti-unti silang nagawang tiwali ni Satanas, at nawalan sila ng orihinal na wangis ng tao. Sa pasimula, ang tao ay mayroong hininga ni Jehova, walang kahit katiting na pagiging mapaghimagsik, at walang kasamaan sa kanyang puso. Noong panahong iyon, ang tao ay tunay na tao. Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas, ang tao ay naging isang hayop. Ang kanyang mga kaisipan ay napuno ng kasamaan at karumihan, walang kabutihan at kabanalan. Hindi ba’t ito si Satanas? Marami ang naranasan mo sa gawain ng Diyos, gayunman hindi ka nabago o nalinis. Ikaw ay nabubuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at hindi pa rin nagpapasakop sa Diyos. Ito ang isang taong nalupig lamang ngunit hindi pa nagawang perpekto. At bakit sinasabi na ang gayong tao ay hindi pa nagawang perpekto? Dahil hindi hinahangad ng taong ito ang buhay o pagkakilala sa gawain ng Diyos, at walang higit na iniimbot kundi ang mga kasiyahan ng laman at panandaliang kaginhawahan. Bilang bunga, walang mga pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, at hindi niya muling natamo ang orihinal na wangis ng tao na nilalang ng Diyos. Ang gayong mga tao ay mga naglalakad na bangkay, sila ang mga patay na walang espiritu! Iyong mga hindi naghahangad ng kaalaman sa mga espirituwal na bagay, na hindi naghahangad ng pagpapabanal, at hindi naghahangad na maisabuhay ang katotohanan, na kontento na sa malupig sa negatibong panig, at hindi kayang mamuhay batay sa mga salita ng Diyos at maging mga taong pinabanal—sila iyong mga taong hindi nailigtas. Sapagkat, kung hindi niya taglay ang katotohanan, hindi kakayanin ng taong tumayo nang matatag sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos; tanging ang may kakayahan na tumayo nang matatag sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ang siyang mga nailigtas. Ang nais Ko ay mga taong tulad ni Pedro, mga taong naghahangad na magawang perpekto. Ang katotohanan sa ngayon ay ipinagkakaloob sa mga nananabik at naghahanap dito. Ang biyayang nagliligtas na ito ay ipinagkakaloob sa mga nananabik na mailigtas ng Diyos. Ang biyayang nagliligtas na ito ay hindi lamang para tumanggap kayo; tinutulutan din nito na makamit kayo ng Diyos—nakakamit ninyo ang Diyos upang maaari kayong makamit ng Diyos. Ngayon ay winika Ko ang mga salitang ito sa inyo, at narinig ninyo ang mga iyon, at dapat kayong magsagawa ayon sa mga salitang ito. Sa huli, kung isinagawa ninyo ang mga salitang ito, makakamit Ko kayo sa pamamagitan ng mga salitang ito; kasabay nito, ay inyo ring makakamit ang mga salitang ito, na ibig sabihin, matatanggap na ninyo ang napakalaking biyayang nagliligtas na ito. Sa sandaling kayo ay nalinis, kayo ay magiging mga tunay na tao na. Kung hindi mo kayang isabuhay ang katotohanan, o isabuhay ang wangis ng isang taong nagawa nang perpekto, kung gayon ay masasabing ikaw ay hindi isang tao, kundi isang naglalakad na bangkay, isang hayop, dahil wala sa iyo ang katotohanan, na ibig sabihin ay wala sa iyo ang hininga ni Jehova, sa gayon ikaw ay isang patay na tao na walang espiritu! Bagaman posibleng magpatotoo pagkatapos malupig, ang natanggap mo lamang ay kaunting biyayang nagliligtas, at hindi ka pa naging isang buhay na taong nilalang na may taglay na espiritu. Bagaman nakaranas ka ng pagkastigo at paghatol, ang iyong disposisyon ay hindi napanibago o nabago bilang resulta; ikaw ay ang dati mo pa ring sarili, ikaw ay kay Satanas, at ikaw ay hindi isang tao na nalinis. Tanging iyong mga nagawang perpekto ang may halaga, at ang ganitong mga tao lamang ang nakatamo ng isang tunay na buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 530
Ngayon, ang ilang tao ay naghahangad na magamit ng Diyos, ngunit pagkatapos malupig hindi pa sila magagamit nang tuwiran. Hinggil sa mga salita na sinasabi ngayon, kung, kapag ginagamit ng Diyos ang mga tao, hindi mo pa rin kayang tuparin ang mga iyon, kung gayon ikaw ay hindi pa nagawang perpekto. Sa madaling salita, ang pagdating ng katapusan ng sakop ng panahon kapag ang tao ay nagawang perpekto ay magtatakda kung ang tao ba ay ititiwalag o gagamitin ng Diyos. Ang mga nalupig ay walang iba kundi mga halimbawa sa pasibo at negatibong panig; sila ay mga halimbawa at huwaran, ngunit sila ay hindi hihigit sa isang kasalungat na hambingan. Tanging kung ang buhay disposisyon ng tao ay nabago, at nakamit niya ang mga pagbabago sa panloob at panlabas na siya ay magiging nagawang ganap. Ngayon, alin ang nais mo, ang magpalupig o magawang perpekto? Alin ang nais mong makamit? Natupad mo na ba ang mga kondisyon sa pagkaperpekto? Aling mga kondisyon ang wala pa rin sa iyo? Paano mo dapat sangkapan ang iyong sarili, at paano mo dapat punuan ang iyong mga pagkukulang? Paano ka dapat magsimula sa landas ng pagkaperpekto? Paano ka dapat lubusang magpasakop? Hinihiling mong magawang perpekto, kaya hinahangad mo ba ang pagpapabanal? Isang tao ka ba na naghahangad na makaranas ng pagkastigo at paghatol upang ikaw ay mapalinis? Hinahangad mo na malinis, kaya handa ka bang tanggapin ang pagkastigo at paghatol? Hinihiling mong makilala ang Diyos, ngunit mayroon ka bang kaalaman sa Kanyang pagkastigo at paghatol? Ngayon, karamihan ng gawaing Kanyang ginagawa sa iyo ay pagkastigo at paghatol; ano ang iyong kaalaman sa gawaing ito, na naisakatuparan sa iyo? Ang mga naranasan mo bang pagkastigo at paghatol ay nakalinis sa iyo? Nabago ka ba nito? Nagkaroon ba ito ng anumang bunga sa iyo? Sawa ka na ba sa labis-labis na mga gawain ngayon—mga sumpa, mga paghatol, at mga paglalantad—o nadarama mo ba na may malaking kapakinabangan ang mga ito sa iyo? Iniibig mo ang Diyos, ngunit bakit mo Siya iniibig? Iniibig mo ba ang Diyos dahil nakatanggap ka ng kaunting biyaya? O iniibig mo ba ang Diyos pagkatapos magkamit ng kapayapaan at kagalakan? O iniibig mo ba ang Diyos pagkatapos malinis ng Kanyang pagkastigo at paghatol? Ano ba mismo ang dahilan ng pag-ibig mo sa Diyos? Anong mga kondisyon ang tinupad ni Pedro upang magawang perpekto? Pagkatapos niyang magawang perpekto, ano ba ang mahalagang paraan kung saan ito ipinamalas? Inibig ba niya ang Panginoong Jesus dahil nangungulila siya sa Kanya, o dahil sa hindi niya Siya nakikita, o dahil nakaramdam siya ng pagsaway? O inibig ba niya ang Panginoong Jesus nang higit pa dahil tinanggap niya ang pagdurusa dala ng mga kapighatian, at sa gayon ay nagawa niyang makilala ang sarili niyang karumihan at paghihimagsik, pati na ang kabanalan ng Panginoon? Naging higit bang dalisay ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso dahil sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, o mayroong ibang dahilan? Alin ito? Iniibig mo ang Diyos dahil sa biyaya ng Diyos, at dahil ngayon ay nabigyan ka Niya ng kaunting pagpapala. Ito ba ay tunay na pag-ibig? Paano mo dapat ibigin ang Diyos? Dapat mo bang tanggapin ang Kanyang pagkastigo at paghatol, at pagkatapos mamasdan ang Kanyang matuwid na disposisyon, makakaya mong tunay na ibigin Siya, anupa’t ikaw ay lubos nang kumbinsido, at magkaroon ng kaalaman sa Kanya? Tulad ni Pedro, masasabi mo bang hindi mo maiibig ang Diyos nang sapat? Ang iyo bang hinahangad ay ang malupig pagkatapos ng pagkastigo at paghatol, o malinis, maprotektahan, at makalinga matapos ang pagkastigo at paghatol? Alin sa mga ito ang mismong hinahangad mo? Makabuluhan ba ang iyong buhay, o ito ay walang saysay at walang halaga? Gusto mo ba ang laman, o nais mo ang katotohanan? Gusto mo ba ng paghatol, o gusto mo ng kaginhawahan? Yamang napakalawak ng iyong karanasan sa gawain ng Diyos, at yamang namasdan mo ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos, paano ka dapat naghahangad? Paano mismo mo dapat tahakin ang landas na ito? Paano mo dapat isagawa ang pagmamahal sa Diyos? Ang pagkastigo at paghatol ba ng Diyos ay nagkaroon ng epekto sa iyo? Kung ikaw man ay may kaalaman sa pagkastigo at paghatol ng Diyos o wala ay nakasalalay sa kung ano ang iyong isinasabuhay, at kung hanggang saan mo iniibig ang Diyos! Sinasabi ng iyong mga labi na iniibig mo ang Diyos, ngunit ang iyong isinasabuhay ay ang luma at tiwaling disposisyon; wala kang may-takot-sa-Diyos na puso, at lalong wala kang konsensiya. Iniibig ba ng gayong mga tao ang Diyos? Ang gayong mga tao ba ay tapat sa Diyos? Sila ba ang mga tumatanggap sa pagkastigo at paghatol ng Diyos? Sinasabi mong iniibig mo ang Diyos at naniniwala ka sa Kanya, ngunit hindi mo binibitawan ang iyong mga kuru-kuro. Sa iyong gawain, pagpasok, mga salitang iyong sinasambit, at sa iyong pamumuhay, wala ni katiting na pagpapamalas ng iyong pagmamahal sa Diyos, at walang may-takot-sa-Diyos na puso. Siya ba iyong nakatamo ng pagkastigo at paghatol ng Diyos? Maaari kayang ang taong gaya nito ay si Pedro? Ang mga iyon ba na katulad ni Pedro ay mayroon lamang kaalaman ngunit walang pagsasabuhay? Ngayon, ano ang kondisyon na hinihinging makamit ng tao upang maisabuhay ang isang totoong buhay? Ang mga panalangin ba ni Pedro ay mga salita lamang na lumabas sa kanyang bibig? Hindi ba’t ang mga iyon ay mga salitang mula sa kaibuturan ng kanyang puso? Si Pedro ba ay nananalangin lamang, at hindi nagsasagawa ng katotohanan? Para kaninong pakinabang ang iyong paghahangad? Paano ka dapat tumanggap ng proteksyon at paglilinis sa panahon ng pagkastigo at paghatol ng Diyos? Hindi ba kapaki-pakinabang sa tao ang pagkastigo at paghatol ng Diyos? Ang lahat ba ng paghatol ay kaparusahan? Maaari bang tanging ang kapayapaan at kagalakan, tanging mga materyal na pagpapala at panandaliang kaginhawahan, ang kapaki-pakinabang sa buhay ng tao? Kung ang tao ay namumuhay sa isang kapaligiran ng kagaanan at kaginhawahan, namumuhay ng isang buhay na walang paghatol, malilinis ba siya? Kung nais ng tao na siya ay mabago at malinis, paano niya dapat tanggapin ang pagiging nagawang perpekto? Alin ang landas na dapat mong piliin ngayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 531
Kapag nababanggit si Pedro, walang katapusan ang pagsasabi ng mga tao ng mabubuting bagay tungkol sa kanya. Agad nilang ginugunita ang tatlong beses na itinakwil niya ang Diyos, paano niya tinukso ang Diyos sa pagsisilbi kay Satanas, at paano siya ipinako sa krus nang patiwarik sa bandang huli para sa Diyos, at iba pa. Ngayon ay magtutuon Ako sa paglalarawan sa inyo kung paano Ako nakilala ni Pedro at kung ano ang kinahinatnan niya sa huli. Malaki ang kakayahan ni Pedro, ngunit ang kanyang sitwasyon ay hindi kagaya ng kay Pablo: Inusig Ako ng kanyang mga magulang, mga demonyo sila na nasapian ni Satanas at, dahil dito, wala silang itinurong anuman kay Pedro tungkol sa Diyos. Si Pedro ay mautak, matalino, at mahal na mahal ang kanyang mga magulang mula pa sa pagkabata. Subalit pagtanda niya, naging kaaway siya nila dahil hindi siya tumigil kailanman sa pagsisikap na makaalam tungkol sa Akin, at paglaon ay tumalikod siya sa kanila. Ito ay dahil, una sa lahat, naniwala siya na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat at na lahat ng positibong bagay ay nagmumula sa Diyos at tuwirang lumalabas mula sa Kanya nang hindi naiimpluwensyahan ni Satanas. Ang pagkakaiba ng mga magulang ni Pedro sa kanya ay nagbigay sa kanya ng higit na kaalaman tungkol sa Aking kagandahang-loob at awa, sa gayon ay lalo pang napukaw ang kanyang pagnanais na hanapin Ako. Nagtuon siya hindi lamang sa pagkain at pag-inom ng Aking mga salita, kundi, bukod pa rito, sa pag-arok sa Aking mga layunin, at lagi siyang maingat sa kanyang puso. Dahil dito, lagi siyang sensitibo sa kanyang espiritu, at dahil dito ay nakaayon siya sa Aking mga layunin sa lahat ng kanyang ginawa. Kadalasan ay pinagtutuunan niya ng pansin na makapulot ng mga aral mula sa mga tao na dati nang nabigo para maudyukan niya ang kanyang sarili, labis na nangangamba na baka siya mismo ay mabigo. Itinuring niya rin na mahalaga na makibahagi sa pananalig at pagmamahal ng lahat ng nagmahal sa Diyos sa lahat ng kapanahunan. Sa ganitong paraan—hindi lamang sa mga negatibong aspeto, kundi ang higit na mahalaga, sa mga positibong aspeto—mas mabilis siyang lumago, kaya ang kanyang kaalaman ay naging pinakadakila sa lahat sa Aking presensya. Dahil dito, hindi mahirap isipin kung paano niya ipinaubaya ang lahat ng mayroon siya sa Aking mga kamay, paano niya isinuko maging ang paggawa ng mga desisyon tungkol sa pagkain, pananamit, pagtulog at kung saan siya nakatira, at sa halip ay tinamasa niya ang Aking mga kayamanan batay sa pagpapalugod niya sa Akin sa lahat ng bagay. Maraming beses Ko siyang isinailalim sa mga pagsubok—at siyempre, pinahirapan siya hanggang sa halos mamatay na siya—ngunit sa gitna ng daan-daang pagsubok na ito, hindi siya nawalan ng pananampalataya sa Akin kailanman o nadismaya sa Akin. Kahit noong sabihin Ko na tinalikuran Ko na siya, hindi pa rin siya pinanghinaan ng loob o nadismaya, at patuloy niya Akong minahal sa isang praktikal na paraan alinsunod sa dating mga prinsipyo ng pagsasagawa. Sinabi Ko sa kanya na hindi Ko siya pupurihin kahit minahal niya Ako, na sa huli ay ihahagis Ko siya sa mga kamay ni Satanas. Ngunit sa gitna ng mga pagsubok na ito, mga pagsubok na hindi sumapit sa kanyang laman, kundi sa mga salita, nanalangin pa rin siya sa Akin at nagsabing, “Diyos ko! Sa langit at sa lupa, at sa lahat ng bagay, mayroon bang sinumang tao, anumang bagay, o anumang pangyayari na hindi Mo hawak sa mga kamay Mo, ang Makapangyarihan sa lahat? Kapag maawain Ka sa akin, labis na nagagalak ang puso ko sa Iyong awa. Kapag hinahatulan Mo ako hindi man ako karapat-dapat, lalo kong nadarama ang napakalalim na hiwaga ng Iyong mga gawa, dahil puno Ka ng awtoridad at karunungan. Bagama’t nahihirapan ang aking laman, naaaliw ang aking espiritu. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa? Kahit mamatay ako matapos Kang makilala, paanong hindi ko magagawa iyon nang may galak at masaya? Makapangyarihan sa lahat! Talaga bang ayaw Mo akong makita Ka? Talaga bang hindi ako karapat-dapat na tumanggap ng Iyong paghatol? Maaari kayang may isang bagay sa akin na ayaw Mong makita?” Sa gayong mga pagsubok, kahit hindi naintindihang mabuti ni Pedro ang Aking mga layunin, malinaw na ipinagmalaki at ikinarangal niya na kinasangkapan Ko siya (kahit tinanggap niya ang Aking paghatol upang makita ng sangkatauhan ang Aking kamahalan at poot), at na hindi siya nabalisa sa mga pagsubok na ito. Dahil sa kanyang katapatan sa Aking harapan, at dahil sa Aking pagpapala sa kanya, naging isa siyang uliran at huwaran sa tao sa loob ng libu-libong taon. Hindi ba ito mismo ang dapat ninyong tularan? Pag-isipan ninyong mabuti at matagal kung bakit Ako naglahad ng ganito kahabang salaysay tungkol kay Pedro; dapat ay magsilbing mga prinsipyo ang mga ito na susundin ninyo sa inyong pagkilos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 6
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 532
Sinundan ni Pedro si Jesus nang ilang taon at marami siyang nakita sa Kanya na hindi pa nakikita sa kalooban ng mga tao. Matapos Siyang sundan nang isang taon, pinili ni Jesus si Pedro mula sa labindalawang alagad. (Siyempre, hindi ito sinabi nang malakas ni Jesus, at ni hindi iyon alam ng iba.) Sa buhay, tinrato ni Pedro ang bawat galaw ni Jesus bilang isang huwaran. Higit sa lahat, ang mga mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nakaukit sa kanyang puso. Labis siyang mapagsaalang-alang at tapat kay Jesus, at hindi siya kailanman nagsabi ng anumang mga hinaing laban sa Kanya. Dahil doon, naging tapat na kasama siya ni Jesus saanman Siya nagpunta. Inobserbahan ni Pedro ang mga turo ni Jesus, ang mahinahon Niyang mga salita, kung ano ang kinakain Niya, ang Kanyang pananamit, ang Kanyang tirahan, at kung paano Siya maglakbay. Tinularan niya si Jesus sa lahat ng aspekto. Hindi siya kailanman naging mapagmagaling, kundi iwinaksi niya ang lahat ng lipas na, na sinusunod ang halimbawa ni Jesus kapwa sa salita at gawa. Noon nadama ni Pedro na ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Sa kadahilanang ito, walang personal na pagpili si Pedro, at isinapuso niya ang lahat ng kung ano si Jesus at ginamit iyon bilang huwaran. Nakita ni Pedro sa buhay ni Jesus na hindi kailanman mapagmagaling si Jesus sa Kanyang ginawa at hindi kailanman nagyabang tungkol sa Kanyang sarili, kundi sa halip ay binago ni Jesus ang mga tao nang may pagmamahal. Nakita ni Pedro sa iba’t ibang bagay kung ano si Jesus, at dahil dito, ang lahat ng tungkol kay Jesus ay naging pakay niyang tularan. Dahil sa kanyang mga karanasan, nagkaroon si Pedro ng nag-iibayong pakiramdam sa pagiging kaibig-ibig ni Jesus, at nagsabi ng mga bagay na tulad ng, “Hinanap ko ang Makapangyarihan sa lahat na nasa langit, at namalas ko ang mga kababalaghan ng langit at lupa at lahat ng bagay, at sa gayon lamang ako nagkamit ng malalim na pakiramdam sa pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Gayunman, hindi ako nagkaroon kailanman ng tunay na pagmamahal sa aking sariling puso, at hindi pa kailanman nakita ng sarili kong mga mata ang pagiging kaibig-ibig ng Makapangyarihan sa lahat. Ngayon, sa paningin ng Makapangyarihan sa lahat, ako ay tinrato Niya nang may pabor, at sa wakas ay nadama ko na ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sa wakas ay natuklasan ko na hindi lang ang paglikha Niya sa lahat ng bagay ang dahilan kaya Siya mahal ng sangkatauhan; sa aking pang-araw-araw na buhay, natagpuan ko ang Kanyang walang-hanggang pagiging kaibig-ibig. Paanong posibleng magiging limitado iyon sa kung ano ang matutuklasan ngayon?” Sa paglipas ng panahon, marami ring kaibig-ibig na bagay ang nakita kay Pedro. Naging napakamapagpasakop niya kay Jesus, at siyempre, dumanas din siya ng maraming dagok. Kapag isinasama siya ni Jesus para mangaral sa iba’t ibang lugar, laging nagpapakumbaba si Pedro at nakikinig sa mga sermon ni Jesus. Hindi siya kailanman naging mapagmataas dahil sa maraming taon ng pagsunod niya kay Jesus. Matapos sabihan ni Jesus na kaya Siya naparito ay upang ipako sa krus at tapusin ang Kanyang gawain, madalas makaramdam si Pedro ng pighati sa kanyang puso at lihim na umiiyak nang mag-isa. Gayumpaman, dumating na sa wakas ang “malas” na araw na iyon. Matapos maaresto si Jesus, mag-isang umiyak si Pedro sa kanyang bangkang pangisda at umusal ng maraming dalangin para rito. Ngunit sa kanyang puso, alam niyang ito ang kalooban ng Diyos Ama, at na walang sinumang makapagpapabago roon. Nanatili siyang naghihinagpis at naluluha dahil lamang sa kanyang pagmamahal. Isa itong kahinaan ng tao, siyempre. Sa gayon, nang malaman niyang ipapako si Jesus sa krus, tinanong niya si Jesus, “Sa Iyong pag-alis, babalik Ka ba sa aming piling at babantayan kami? Makikita Ka pa ba namin?” Bagama’t lubhang walang kamuwang-muwang ang mga salitang ito at puno ng mga kuru-kuro ng tao, alam ni Jesus ang pait ng pagdurusa ni Pedro, kaya sa pamamagitan ng Kanyang pagmamahal ay isinaalang-alang Niya ang kahinaan ni Pedro: “Pedro, minahal kita. Alam mo ba iyon? Bagama’t walang katwiran ang iyong sinasabi, nangako ang Ama na pagkatapos ng Aking muling pagkabuhay, magpapakita Ako sa mga tao sa loob ng 40 araw. Hindi ka ba naniniwala na malimit na magkakaloob ng biyaya ang Aking Espiritu sa inyong lahat?” Kahit na bahagyang napayapa nito si Pedro, pakiramdam niya ay may isang bagay pa rin na kulang, kaya nga, matapos mabuhay na mag-uli, hayagang nagpakita si Jesus sa kanya sa unang pagkakataon. Gayunman, para mapigilan si Pedro na patuloy na kumapit sa kanyang mga kuru-kuro, tinanggihan ni Jesus ang masaganang pagkaing inihanda ni Pedro para sa Kanya, at naglaho sa isang kisapmata. Mula sa sandaling iyon, sa wakas ay nagkaroon na si Pedro ng mas malalim na pagkaunawa sa Panginoong Jesus at lalo pa Siyang minahal. Pagkatapos ng Kanyang muling pagkabuhay, malimit na nagpakita si Jesus kay Pedro. Tatlong beses pa Siyang nagpakita kay Pedro makalipas ang apatnapung araw at pagkatapos Niyang umakyat sa langit. Bawat pagpapakita ay mismong sa sandaling matatapos na ang gawain ng Banal na Espiritu at magsisimula na ang bagong gawain.
Sa buong buhay niya, nabuhay si Pedro sa pangingisda ngunit, higit pa roon, nabuhay siya upang mangaral. Sa kanyang katandaan, isinulat niya ang una at pangalawang sulat ni Pedro, pati na rin ang ilang liham sa iglesia ng Philadelphia noong panahong iyon. Ang mga tao sa panahong ito ay lubhang naantig sa kanya. Sa halip na magsermon sa mga tao gamit ang sarili niyang mga kalipikasyon, binigyan niya sila ng angkop na panustos sa buhay. Hindi niya kailanman nakalimutan ang mga turo ni Jesus bago Siya lumisan, at naging inspirasyon ang mga iyon sa kanyang buong buhay. Habang sinusundan si Jesus, nagpasya siyang suklian ang pagmamahal ng Panginoon ng kanyang kamatayan at sundan ang Kanyang halimbawa sa lahat ng bagay. Sumang-ayon dito si Jesus, kaya nang si Pedro ay 53 taong gulang (mahigit 20 taon nang nakaalis si Jesus), nagpakita sa kanya si Jesus para tumulong na matupad ang kanyang determinasyon. Sa loob ng pitong taong kasunod noon, ginugol ni Pedro ang kanyang buhay sa pagkilala sa kanyang sarili. Isang araw, sa pagtatapos ng pitong taong ito, ipinako siya sa krus nang pabaliktad, sa gayon ay winawakasan ang kanyang pambihirang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Tungkol sa Buhay ni Pedro
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 533
Ano ba ang impluwensiya ng kadiliman? Ang tinatawag na “impluwensiya ng kadiliman” ay ang impluwensiya ng panlilihis, pagtitiwali, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa mga tao; ang impluwensiya ni Satanas ay isang impluwensiyang may atmospera ng kamatayan. Lahat ng namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay tiyak na mamamatay. Paano ka makakatakas mula sa impluwensiya ng kadiliman pagkatapos mong manampalataya sa Diyos? Kapag nanalangin ka na nang taos sa Diyos, ganap na babaling ang iyong puso sa Kanya, at sa puntong ito ay maaantig ng Espiritu ng Diyos ang puso mo at magiging handa kang ganap na ibigay sa Kanya ang iyong sarili, at sa sandaling ito, nakatakas ka na mula sa impluwensiya ng kadiliman. Kung ang lahat ng ginagawa ng isang tao ay yaong nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga hinihingi, siya ay isang taong namumuhay sa loob ng mga salita ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung hindi maisagawa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung lagi silang kumikilos nang pabasta-basta sa Kanya, at hindi naniniwala sa Kanyang pag-iral, lahat ng ito ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Ang mga hindi naligtas ng Diyos ay pawang namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas; ibig sabihin, lahat sila ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kahit yaong mga naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay maaaring hindi namumuhay sa Kanyang liwanag, sapagkat yaong mga nananampalataya sa Kanya ay hindi tiyak na namumuhay sa loob ng Kanyang mga salita o nagagawang magpasakop sa Diyos. Ang tao ay limitado sa pananampalataya sa Diyos, at dahil wala siyang pagkakilala sa Diyos, namumuhay pa rin siya sa loob ng mga lumang regulasyon, namumuhay sa gitna ng mga patay na salita, at namumuhay ng isang buhay na madilim at malabo, nang hindi lubos na napadalisay ng Diyos ni lubos Niyang nakamit. Samakatwid, hindi na kailangang sabihin pa na yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman; kahit ang mga taong naniniwala na umiiral ang Diyos ay maaari pa ring mamuhay sa ilalim ng impluwensiya nito dahil sa kawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga walang biyaya o awa ng Diyos ay hindi kayang makita ang direksiyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga hindi kayang madama kung ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa kanila o hindi ay pawang namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman; at karaniwan, gayon din ang mga taong nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos subalit hindi Siya nakikilala. Kung ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos subalit ginugugol niya ang malaking bahagi ng buhay niya sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, kung gayon, ang pag-iral ng taong ito ay nawalan na ng kabuluhan—at bakit pa babanggitin ang mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos?
Lahat niyaong hindi matanggap ang gawain ng Diyos, o tinatanggap ang gawain ng Diyos ngunit hindi makatugon sa Kanyang mga hinihingi, ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaon lamang mga naghahangad ng katotohanan at kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos ang pagpapalain ng Diyos, at sila lamang ang nakatakas mula sa impluwensiya ng kadiliman. Ang mga hindi nakadarama ng paglaya, na palaging nalilimitahan ng ilang bagay, at hindi magawang ibigay ang kanilang puso sa Diyos ay mga taong nasa ilalim ng gapos ni Satanas na namumuhay sa gitna ng atmospera ng kamatayan. Yaong mga hindi deboto sa mga tungkuling nararapat nilang gawin, na hindi deboto sa atas ng Diyos, at hindi nagagampanan ang kanilang mga papel sa iglesia ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaong mga sadyang gumugulo sa buhay iglesia, na sadyang nagpapasimula ng alitan sa pagitan ng kanilang mga kapatid, o bumubuo ng mga paksyon ay higit na mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, sa gapos ni Satanas. Yaong mga hindi normal ang kaugnayan sa Diyos, na laging may mga labis-labis na pagnanasa, na laging nais na makinabang, at sadyang ayaw na maghangad ng pagbabago sa disposisyon ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaong mga laging walang-ingat at hindi seryoso sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan, at hindi naghahangad na matugunan ang mga layunin ng Diyos, na nagbibigay-kasiyahan lang sa kanilang laman, ay mga tao ring namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, na nalalambungan ng kamatayan. Yaong mga gumagawa ng pagiging baliko at panlilinlang kapag gumagawa para sa Diyos, na pabasta-bastang humaharap sa Diyos, na dinadaya ang Diyos, at laging nagpaplano para sa kanilang sarili ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Lahat niyaong hindi kayang magmahal sa Diyos nang may matapat na puso, na hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi tumutuon sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensiya ng Kadiliman, at Makakamit Ka ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 534
Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mo munang tumakas mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, buksan ang iyong puso sa Diyos at ibaling ito sa Kanya nang lubusan. Ang mga bagay ba na ginagawa mo ngayon ay mga bagay na sinasang-ayunan ng Diyos? Naibaling mo na ba ang puso mo sa Diyos? Ang mga bagay ba na ginagawa mo ay mga bagay na hinihingi sa iyo ng Diyos? Alinsunod ba ang mga iyon sa katotohanan? Suriin mo ang iyong sarili sa lahat ng oras at tumutok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; ilagay mo ang puso mo sa Kanyang harapan, mahalin mo Siya nang may sinseridad, at deboto mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos. Ang mga taong gumagawa nito ay tiyak na tatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Lahat niyaong nananampalataya sa Diyos, subalit hindi naghahangad sa katotohanan, ay walang paraan upang makatakas mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat niyaong hindi umaasal sa isang totoong paraan, na umaasal sa isang partikular na paraan sa harap ng iba ngunit iba ang asal pagtalikod nila, na nagpapakita ng pagpapakumbaba, pasensya, at pagmamahal bagama’t sila ay lihim na mapanira at tuso sa diwa, at walang katapatan sa Diyos—ang gayong mga tao ay tipikal na mga kinatawan niyaong mga namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman; sila ang mga kauri ng ahas. Yaong mga nagpapakana lamang para sa sarili nilang kapakanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba at labis na mapagpahalaga sa sarili, mapagpasikat, at pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan ay mga taong nagmamahal kay Satanas at kumokontra sa katotohanan. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at lubos na kay Satanas. Yaong mga hindi nagsasaalang-alang sa mga pasanin ng Diyos, na hindi naglilingkod sa Diyos nang buong-puso, na laging inaalala ang kanilang mga interes at ang interes ng kanilang pamilya, na hindi magawang talikuran ang lahat upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na hindi kailanman namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ay mga taong hindi sakop ng Kanyang mga salita. Ang ganitong mga tao ay hindi makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos.
Nang likhain ng Diyos ang mga tao, ito ay upang matamasa nila ang Kanyang kasaganaan at tunay Siyang mahalin; sa ganitong paraan, mamumuhay sila sa Kanyang liwanag. Ngayon, lahat niyaong hindi kayang magmahal sa Diyos, hindi kayang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang mga pasanin, hindi magawang ibigay nang lubusan ang kanilang puso sa Kanya, hindi magawang ituring ang Kanyang puso bilang sarili nilang puso, at hindi kayang akuin ang Kanyang mga pasanin bilang sarili nila, ay hindi sinisinagan ng liwanag ng Diyos, at sa gayon ay pawang namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Ang mga taong ito ay ganap na sumasalungat sa mga layunin ng Diyos, at walang bahid ng katotohanan ang anumang kanilang ginagawa. Nakalublob sila sa burak kasama ni Satanas; sila ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Kung nagagawa mong madalas na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin at isagawa ang Kanyang mga salita, kung gayon, ikaw ay hinirang ng Diyos, at ikaw ay isang taong namumuhay sa loob ng Kanyang mga salita. Handa ka bang tumakas mula sa kapangyarihan ni Satanas at mamuhay sa liwanag ng Diyos? Kung namumuhay ka sa loob ng mga salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gampanan ang Kanyang gawain. Kung namumuhay ka sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, hindi magkakaroon ng gayong pagkakataon ang Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga tao, ang liwanag na Kanyang pinasisikat sa kanila, at ang pananalig na ibinibigay Niya sa kanila ay tumatagal lamang nang isang saglit; kung ang mga tao ay hindi maingat at hindi nag-uukol ng pansin, lalampasan sila ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ang mga tao sa loob ng mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawa sa kanila. Kung hindi sila namumuhay sa loob ng mga salita ng Diyos, namumuhay sila sa gapos ni Satanas. Kung namumuhay sila sa loob ng mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka sa loob ng hangganan ng mga salita ng Diyos, at sa kalagayang hinihingi ng Diyos, kung gayon, ikaw ay isang hinirang Niya, at ang Kanyang gawain ay maisasagawa sa iyo. Kung hindi ka namumuhay sa loob ng mga hangganan ng mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, tiyak na namumuhay ka sa loob ng katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka sa loob ng mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi. Kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong pang-araw-araw na buhay ang Kanyang mga salita; saka ka lamang isang tao na hinirang ng Diyos. Kung talagang nagsasagawa ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, gagawa Siya sa iyo, at sa gayon ay mamumuhay ka sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, sa liwanag ng Kanyang mukha; maaarok mo ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu at madarama mo ang kagalakan ng presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensiya ng Kadiliman, at Makakamit Ka ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 535
Para matakasan ang impluwensiya ng kadiliman, kailangan mo munang maging tapat sa Diyos at magkaroon ng pusong naghahangad ng katotohanan; saka ka lamang magkakaroon ng tamang kalagayan. Ang pamumuhay sa tamang kalagayan ang mismong paunang kailangan para matakasan mo ang impluwensiya ng kadiliman. Ang hindi pagkakaroon ng tamang kalagayan ay hindi pagiging tapat sa Diyos, at hindi pagkakaroon ng pusong naghahanap ng katotohanan, kung sa gayon, ang pagtakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay hindi posibleng mangyari. Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa impluwensiya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapagsagawa alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang gapos ng impluwensiya ng kadiliman. Ang mamuhay sa tamang kalagayan ay ang mamuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mamuhay sa kalagayan ng pagiging tapat sa Diyos, ang mamuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mamuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mamuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga namumuhay sa ganitong mga kalagayan at sa mga realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay. Yaong mga nakatakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay unti-unting maaarok ang mga layunin ng Diyos at unti-unting mauunawaan ang mga iyon, at kalaunan ay magiging mga pinagkakatiwalaan ng Diyos. Hindi lamang sila hindi nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi naghihimagsik laban sa Kanya, kundi mas lalo rin nilang kinamumuhian ang mga dati nilang kuru-kuro at paghihimagsik, at nagkakaroon sila ng tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Ang mga taong hindi magawang tumakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay pawang lubos na puno ng laman at puno ng paghihimagsik; ang kanilang puso ay puno ng mga kuru-kuro at pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, pati na ng kanilang sariling mga intensiyon at plano. Ang nais ng Diyos ay ang tanging pagmamahal mula sa tao; ang nais Niya ay ang mapuspos ang tao ng Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mamuhay sa loob ng mga salita ng Diyos, ang hanapin sa loob ng Kanyang mga salita ang dapat hangarin ng tao, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, tumakbo dahil sa Kanyang mga salita, mamuhay dahil sa Kanyang mga salita—ito ang dapat makamit ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Sa aling mga bagay ka namumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Sa aling mga bagay ka hindi namumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Kung hindi ka lubos na napuspos ng mga salita ng Diyos, ano mismo ang pumupuspos ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong pag-iral ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, namumuhay ka sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang pananampalataya sa Diyos ng gayong mga tao ay isang purong kalokohan at panggugulo! Gaano kalaking bahagi ng oras ang ipinamumuhay mo nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng oras ang hindi mo ipinamumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang hindi naisakatuparan sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?
Ang pagtakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay nangangailangan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng pakikipagtulungan ng tao sa abot ng kanyang makakaya. Bakit Ko sinasabi na wala sa tamang landas ang tao? Ang mga taong nasa tamang landas ay makakayang ibigay muna ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay isang aral na nangangailangan ng mahabang panahon upang mapasok, sapagkat noon pa man ay palagi nang namumuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, at nasa ilalim na ng gapos ni Satanas sa loob ng libo-libong taon. Samakatwid, ang pagpasok na ito ay hindi maisasakatuparan sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Binanggit Ko ang isyu na ito ngayon upang maarok ng mga tao ang sarili nilang mga kalagayan; sa sandaling makilatis na ng mga tao kung ano ang impluwensiya ng kadiliman at kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay sa liwanag, nagiging madali ang pagpasok. Ito ay dahil kailangan mong malaman kung ano ang impluwensiya ni Satanas bago ka makatakas mula rito; pagkatapos niyon, saka ka lamang magkakaroon ng paraan para unti-unting makalaya mula rito. Tungkol naman sa kung ano ang gagawin pagkatapos, sariling usapin na iyan ng tao. Pumasok ka sa lahat mula sa isang positibong aspekto, at huwag kang basta maghintay nang pasibo. Sa ganitong paraan ka lamang makakamit ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensiya ng Kadiliman, at Makakamit Ka ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 536
Bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa ating mga nakamamatay na kahinaan, iniiwan tayong nasasaktan at nanginginig sa takot. Inilalantad Niya ang ating mga kuru-kuro, ang ating mga imahinasyon, at ang ating mga tiwaling disposisyon. Mula sa ating bawat salita at kilos, sa ating bawat galaw, hanggang sa bawat iniisip at ideya natin, ang ating kalikasang diwa ay nabubunyag sa Kanyang mga salita, na iniiwan tayong natatakot at nanginginig na walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa Niyang sinasabi sa atin ang tungkol sa lahat ng ating kilos, ating mga layunin at intensiyon, maging ang ating mga tiwaling disposisyon na hindi pa natin mismo natutuklasan, kaya pakiramdam natin ay nakalantad ang lahat ng ating kahabag-habag na depekto at lalo pa, buong puso tayong nakumbinsi. Hinahatulan Niya tayo sa paglaban natin sa Kanya, kinakastigo tayo sa paglapastangan at pagkondena natin sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang paningin, wala tayo ni isang katangiang katubus-tubos, na tayo ay mga buhay na Satanas. Nawasak ang ating mga pag-asa; hindi na tayo nangangahas na humiling nang labis-labis sa Kanya o magpakana sa Kanya, at naglalaho maging ang ating mga pangarap sa magdamag. Ito ay isang katunayan na walang sinuman sa atin ang makakaisip at walang sinuman sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panloob na panimbang at hindi natin alam kung paano magpapatuloy sa daan tungo sa hinaharap, o kung paano magpapatuloy sa ating mga paniniwala. Para bang ang ating pananalig ay nagsimulang muli sa umpisa, at para bang hindi pa natin nakatagpo kailanman ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Lahat ng nasa ating harapan ay pinupuno tayo ng pagkalito at pinag-aatubili tayo. Nasisiraan tayo ng loob, nadidismaya, at sa kaibuturan ng ating puso ay may di-mapigilang galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, humanap ng alternatibong solusyon, at, bukod pa riyan, magpatuloy sa paghihintay para sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maibuhos natin ang nilalaman ng ating puso sa Kanya. Bagama’t may mga pagkakataong mukha tayong hindi mayabang ni mapagpakumbaba sa panlabas, sa ating puso ay nararamdaman natin ang kawalan na hindi pa natin nadama kailanman. Bagama’t kung minsan ay di-pangkaraniwan na mukha tayong kalmado sa panlabas, ang ating isipan ay naguguluhan sa paghihirap gaya ng maunos na dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay naghubad sa atin ng lahat ng pag-asa at pangarap natin, na nagwawakas sa ating labis-labis na pagnanais at iniiwan tayong ayaw maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayahan Siyang iligtas tayo. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas ng puwang sa pagitan natin at sa Kanya, na napakalalim kaya walang sinumang gustong tumawid doon. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na nagdanas tayo ng gayon kalaking kabiguan, gayon kalaking kahihiyan sa ating buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay naging dahilan upang tunay nating madama ang kamahalan at pagiging hindi nalalabag ng Diyos, kumpara sa mga ito, tayo ay napakahamak, labis na marumi. Sa Kanyang paghatol at pagkastigo, namalayan natin, sa unang pagkakataon, ang ating kayabangan at kapalaluan, at kung paanong ang tao ay hindi kailanman magiging kapantay ng Diyos, o maihahambing sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay hinimok tayong manabik na hindi na mamuhay sa gayong mga tiwaling disposisyon, na alisin sa ating sarili ang kalikasang diwang ito sa lalong madaling panahon, at upang hindi na Niya tayo kapootan at kasuklaman. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagdulot sa atin na malugod na magpasakop at sumunod sa Kanyang mga salita, hindi na naghihimagsik laban sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay sa atin ng pagnanais na makaligtas at ginawa tayong malugod na tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas…. Nakalabas na tayo ng gawain ng paglupig, nakalabas ng impiyerno, nakalabas ng lambak ng anino ng kamatayan…. Tayo, ang grupong ito ng mga tao, ay nakamit na ng Makapangyarihang Diyos! Nagtagumpay Siya laban kay Satanas at tinalo ang napakarami Niyang kaaway!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 537
Saka ka lamang gagawing perpekto kapag naiwaksi mo na ang iyong mga tiwaling disposisyon at naisabuhay ang normal na pagkatao. Bagama’t hindi mo makakayang mangusap ng propesiya, ni ng anumang mga hiwaga, isasabuhay at ipapakita mo ang wangis ng isang tao. Nilikha ng Diyos ang tao, ngunit ginawang tiwali ni Satanas ang tao, kung kaya’t ang mga tao ay naging “mga patay.” Kaya, matapos kang magbago, hindi ka na magiging tulad nitong mga patay. Ang mga salita ng Diyos ang nagpapaalab sa mga espiritu ng mga tao at nagdudulot ng kanilang pagbalik sa buhay, at kapag bumalik sa buhay ang mga espiritu nila, mabubuhay na sila. Kapag binabanggit Ko ang “mga patay,” tinutukoy Ko ang mga walang espiritung bangkay, ang mga taong namatay na ang mga espiritu sa loob nila. Kapag pinapag-alab ang mga espiritu ng mga tao, mabubuhay ang mga tao. Ang mga banal na binanggit noon ay tumutukoy sa mga taong nabuhay na, yaong mga nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas ngunit tinalo si Satanas. Napagtiisan ng mga hinirang na tao sa Tsina ang malupit at di-makataong pag-uusig at panlilinlang ng malaking pulang dragon, na iniwan silang sirang-sira ang isip at wala ni katiting na lakas ng loob upang mabuhay. Sa gayon, dapat magsimula ang pagpukaw ng kanilang mga espiritu sa kanilang diwa: Unti-unti, sa kanilang diwa, dapat mapukaw ang kanilang mga espiritu. Kapag nabuhay na sila balang araw, wala nang magiging mga sagabal pa, at magpapatuloy ang lahat nang maayos. Sa ngayon, nananatili itong hindi matatamo. Nabubuhay ang karamihan ng mga tao sa paraan na nagbibigay ng labis na pagkaramdam ng kamatayan; nababalot sila ng aura ng kamatayan, at napakarami nilang kakulangan. May dalang kamatayan ang mga salita ng ilang tao, may dalang kamatayan ang kanilang mga pagkilos, at halos lahat ng isinasabuhay nila ay binubuo ng kamatayan. Kung hayagang magpapatotoo para sa Diyos ang mga tao ngayon, mabibigo sila rito, dahil hindi pa sila ganap na nabubuhay, at masyadong marami ang mga patay sa gitna ninyo. Ngayon, nagtatanong ang ilang tao kung bakit hindi nagpapakita ng ilang mga tanda at mga kababalaghan ang Diyos upang mabilis Niyang maipalaganap ang Kanyang gawain sa mga Hentil. Hindi kayang magpatotoo para sa Diyos ang mga patay; isang bagay ito na tanging ang mga buhay lang ang makakagawa, gayumpaman, karamihan ng mga tao ngayon ay patay; masyadong marami ang namumuhay na balot ng kamatayan, sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi kayang lagpasan ito. Dahil dito, paano sila makapagpapatotoo para sa Diyos? Paano nila maipalalaganap ang gawain ng ebanghelyo?
Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga sinasapian ni Satanas. Kung hindi inililigtas ng Diyos at hindi hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang mga tao, hindi sila makakatakas sa impluwensiya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging mga buhay na tao. Hindi makakapagpatotoo para sa Diyos ang mga patay na gaya nito, ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihingi Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga kumokontra at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nakakaunawa sa mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi nagsasagawa sa katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at ginagamit ni Satanas. Ang mga pagpapamalas ng mga patay ay ang pagtindig laban sa katotohanan, paghihimagsik laban sa Diyos, at pagiging aba, hamak, walang awa, mapanupil, tuso, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, sila ay mga naglalakad na bangkay lang, ang mga humihingang patay. Lubos na walang kakayahan ang mga patay na mapalugdan ang Diyos, lalo na ang maging ganap na nagpapasakop sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang isinasabuhay nila ay ganap na mga pagbubunyag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at makita ng Diyos na karapat-dapat, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagpupungos ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Ang mga buhay ay yaong mga nailigtas na ng Diyos; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang ilaan ang kanilang sarili at masayang ibigay ang kanilang buhay para sa Diyos, at malugod nilang igugugol ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo sa Diyos ang mga buhay mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay ang maaaring magpalaganap ng gawain ng ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay ang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at tanging ang mga buhay ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging mga patay ang mga buhay na taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhan, na Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin lahat sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid, yaong mga kumokontra sa Diyos, at higit pa rito, yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensiyon ang mga taong ito na magpasakop sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga ibinalik sa buhay ang kanilang espiritu, na alam magpasakop sa Diyos, mga tapat sa Diyos, at may taglay na katotohanan at patotoo—ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang sambahayan. Inililigtas ng Diyos yaong mga kayang muling mabuhay, na kayang makita ang pagliligtas ng Diyos, na kayang maging tapat sa Diyos, na handang hanapin ang Diyos, na naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, at naniniwala sa Kanyang pagpapakita. Kayang muling mabuhay ng ilang tao, at ang ilan ay hindi; nakasalalay ito sa kung kayang maligtas o hindi ang kanilang kalikasan. Maraming tao ang nakarinig na nang marami sa mga salita ng Diyos ngunit hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at wala pa ring kakayahang isagawa ang mga ito. Walang kakayahang isabuhay ng mga ganitong tao ang anumang katotohanan, at sinasadya nilang guluhin ang gawain ng Diyos. Hindi nila kayang gawin ang anumang gawain para sa Diyos, at hindi nila maigugol ang kanilang sarili para sa Kanya—sa kabaligtaran, palihim nilang ginagastos ang salapi ng iglesia at nagiging palamunin sa sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ay mga patay na tao na hindi maililigtas. Inililigtas ng Diyos ang lahat ng nasa gitna ng Kanyang gawain, subalit may ilang taong hindi makatatanggap ng Kanyang pagliligtas; maliit na bilang lamang ang makatatanggap ng Kanyang pagliligtas. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay masyado nang nagawang tiwali at naging mga patay, at hindi na sila maaari pang iligtas; ganap na silang napagsamantalahan ni Satanas, at masyadong mapaminsala ang kanilang kalikasan. Hindi rin magawa ng iilang mga taong ito na ganap na magpasakop sa Diyos. Hindi sila yaong mga lubos na naging tapat sa Diyos mula sa simula, o yaong mga sukdulang nagmahal na sa Diyos mula sa simula; sa halip, naging mapagpasakop sila sa Diyos dahil sa Kanyang gawain ng panlulupig, nakikita nila ang Diyos dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal, nagkakamit sila ng pagbabago sa disposisyon dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakikilala nila ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ang Kanyang gawain na parehong praktikal at normal. Kung wala ang gawaing ito ng Diyos, kahit gaano pa man kabuti ang mga taong ito, na kay Satanas pa rin sila, nasa kamatayan pa rin sila, at patay pa rin sila. Ang katunayang maaaring makatanggap ng pagliligtas ng Diyos ang mga taong ito ngayon ay dahil lamang handa silang makipagtulungan sa Diyos.
Dahil sa kanilang katapatan sa Diyos, kakamtin ng Diyos ang mga buhay at mamumuhay sila sa gitna ng Kanyang mga pangako, at dahil sa kanilang pagsalungat sa Diyos, itataboy ng Diyos ang mga patay at mamumuhay sila sa gitna ng Kanyang kaparusahan at mga sumpa. Ganito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi mababago ng sinumang tao. Dahil sa kanilang sariling paghahangad, tumatanggap ang mga tao ng pagsang-ayon ng Diyos at namumuhay sa liwanag; dahil sa kanilang mga tusong pakana, isinusumpa ng Diyos ang mga tao at lumulusong sila sa kaparusahan; dahil sa kanilang masasamang gawa, pinarurusahan ng Diyos ang mga tao, at dahil sa kanilang paghahangad at katapatan, tumatanggap ang mga tao ng pagpapala ng Diyos. Matuwid ang Diyos: Pinagpapala Niya ang mga buhay, at isinusumpa ang mga patay upang lagi silang nasa gitna ng kamatayan at hindi kailanman mamumuhay sa liwanag ng Diyos. Dadalhin ng Diyos ang mga buhay sa Kanyang kaharian at sa Kanyang mga pagpapala, para umiral kasama Niya sa lahat ng panahon. Ngunit para sa mga patay, ipapadala Niya sila sa walang-hanggang kamatayan; sila ang layon ng Kanyang pagwasak at palaging mapapabilang kay Satanas. Tiyak na hindi tatratuhin ng Diyos ang sinuman nang hindi makatarungan. Tiyak na mananatili ang lahat ng mga tunay na naghahangad sa Diyos sa sambahayan ng Diyos, at tiyak na mamumuhay ang mga mapaghimagsik laban sa Diyos at di-kaayon sa Kanya sa gitna ng Kanyang kaparusahan. Marahil hindi ka sigurado tungkol sa gawaing ginawa ng katawang-tao ng Diyos—ngunit balang araw, hindi direktang isasaayos ng katawang-tao ng Diyos ang kinalabasan ng tao; sa halip, ang Kanyang Espiritu ang magsasaayos ng hantungan ng tao, at sa panahong iyon malalaman ng mga tao na iisa ang katawang-tao ng Diyos at ang Kanyang Espiritu, na hindi nagkakamali ang Kanyang katawang-tao, at lalo na ang Kanyang Espiritu. Sa huli, tiyak na dadalhin Niya sa Kanyang kaharian yaong mga nagkabuhay, walang labis, walang kulang. Para sa mga patay na hindi nabuhay, tiyak na itatapon sila sa pugad ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 538
Ang unang hakbang sa landas ng Banal na Espiritu sa tao, bago ang lahat, ay ang ilayo ang puso ng tao sa mga tao, pangyayari, at bagay at ituon sa mga salita ng Diyos, upang maniwala ang puso ng tao na ang mga salita ng Diyos ay ganap na hindi mapagdududahan, at totoong-totoo. Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangan mong maniwala sa Kanyang mga salita; kung, pagkaraan ng maraming taon ng pananampalataya sa Diyos, hindi mo pa rin alam ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu, talaga bang sumasampalataya ka? Para magtamo ng isang normal na buhay ng tao—isang normal na buhay ng tao na may normal na kaugnayan sa Diyos—kailangan mo munang maniwala sa Kanyang mga salita. Kung hindi mo pa nagagawa ang unang hakbang ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao, wala kang pundasyon. Kung hindi mo maunawaan maging ang pinakamabababang prinsipyo, paano mo tatahakin ang landas pasulong? Ang ibig sabihin ng pagtapak sa tamang landas kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao ay pagpasok sa tamang landas ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu; ang ibig sabihin nito ay pagtapak sa landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa ngayon, ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu ay ang kasalukuyang mga salita ng Diyos. Sa gayon, kung tatahak ang mga tao sa landas ng Banal na Espiritu, kailangan niyang magpasakop, at kainin at inumin, ang kasalukuyang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng mga salita; lahat ay nagsisimula sa Kanyang salita, at lahat ay nakasalig sa Kanyang mga salita, sa Kanyang kasalukuyang mga salita. Pagiging tiyak man tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao, o pagkilala sa Diyos na nagkatawang-tao, bawat isa ay nangangailangan ng higit na pagsisikap sa Kanyang mga salita. Kung hindi, walang maisasagawa ang mga tao at walang matitirang anuman sa kanila. Tanging sa pagsalig lamang sa pundasyon ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at sa gayon ay makilala Siya at mapalugod Siya, maaaring unti-unting makabuo ng normal na kaugnayan sa Diyos ang mga tao. Para sa mga tao, wala nang mas mabuting pakikipagtulungan sa Diyos kaysa sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita at pagsasagawa ng mga ito. Sa pamamagitan ng gayong pagsasagawa, pinakamainam nilang nagagawang manindigan sa patotoo ng mga tao ng Diyos. Kapag nauunawaan at nagagawang magpasakop ng mga tao ang diwa ng kasalukuyang mga salita ng Diyos, nabubuhay sila sa landas ng pagiging nagabayan ng Banal na Espiritu, at nakatahak na sa tamang landas ng pagpeperpekto ng Diyos sa tao. Dati-rati, maaaring matamo ng mga tao ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng paghahangad lamang sa biyaya ng Diyos, o sa paghahangad ng kapayapaan at kagalakan, ngunit iba na ngayon ang mga bagay-bagay. Kung wala ang mga salita ng Diyos na nagkatawang-tao, kung wala ang realidad ng Kanyang mga salita, hindi makakamit ng mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos at ititiwalag silang lahat ng Diyos. Upang magkamit ng normal na espirituwal na buhay, dapat munang kainin at inumin ng mga tao ang mga salita ng Diyos at isagawa ang mga ito, at pagkatapos, sa pundasyong ito, ay magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos. Paano ka nakikipagtulungan? Paano ka naninindigan sa patotoo tungkol sa mga tao ng Diyos? Paano ka bumubuo ng normal na kaugnayan sa Diyos?
Paano makita kung mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay:
1. Naniniwala ka ba sa sariling patotoo ng Diyos?
2. Taos-puso ka bang naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay totoo at hindi maaaring magkamali?
3. Isinasagawa mo ba ang Kanyang mga salita?
4. Deboto ka ba sa Kanyang atas? Ano ang ginagawa mo upang maging deboto sa Kanyang atas?
5. Lahat ba ng ginagawa mo ay para mapalugod ang Diyos at maging deboto sa Kanya?
Sa pamamagitan ng mga bagay na nakalista sa itaas, maaari mong suriin kung mayroon kang normal na kaugnayan sa Diyos sa kasalukuyang yugto.
Kung nagagawa mong tanggapin ang tagubilin ng Diyos, tanggapin ang Kanyang pangako, at sundan ang landas ng Banal na Espiritu, ginagampanan mo ang kalooban ng Diyos. Sa iyong kalooban, malinaw ba sa iyo ang landas ng Banal na Espiritu? Sa ngayon, kumikilos ka ba alinsunod sa landas ng Banal na Espiritu? Napapalapit ba ang puso mo sa Diyos? Nais mo bang umagapay sa pinakabagong liwanag ng Banal na Espiritu? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang maging isang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa? Mayroon ka bang determinasyon na matamo ang hinihingi ng Diyos sa iyo? Kapag sinasambit ang mga salita ng Diyos, kung sa loob mo ay may determinasyon kang makipagtulungan, at determinasyong palugurin ang Diyos—kung ganito ka mag-isip—nangangahulugan ito na nagkaroon na ng bunga ang mga salita ng Diyos sa puso mo. Kung wala ka ng gayong determinasyon, kung wala kang mga layong hinahangad, nangangahulugan iyan na hindi pa naaantig ng Diyos ang puso mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 539
Sa patuloy na pagsisikap na mabago ang buhay disposisyon ng isang tao, ang landas ng pagsasagawa ay napakasimple. Sa iyong aktuwal na karanasan, kung nagagawa mong sundin ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu at maranasan ang gawain ng Diyos, may kakayahang magbago ang iyong disposisyon. Kung sinusunod mo ang anumang sabihin ng Banal na Espiritu, at naghahangad ka ayon sa kung ano ang sinasabi ng Banal na Espiritu, isa kang taong nagpapasakop sa Kanya, at magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Nagbabago ang disposisyon ng mga tao sa kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu; kung palagi kang kumakapit sa iyong mga karanasan at mga regulasyon sa nakaraan, hindi magbabago ang iyong disposisyon. Kung hinihiling ng mga salita ng Banal na Espiritu sa ngayon na pumasok ang lahat ng tao sa isang buhay ng normal na pagkatao ngunit patuloy kang nakatuon sa mga panlabas na bagay, at nalilito ka tungkol sa realidad at hindi mo ito sineseryoso, isa kang tao na hindi nakaagapay sa gawain ng Banal na Espiritu, isang tao na hindi nakapasok sa landas ng patnubay ng Banal na Espiritu. Kung maaaring magbago ang iyong disposisyon o hindi ay depende sa kung umaagapay ka o hindi sa kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu at kung mayroon kang tunay na kaalaman o wala. Kaiba ito sa dati ninyong naunawaan. Ang pagbabago sa iyong disposisyon na naunawaan mo dati ay na ikaw, na mabilis manghusga, ay tumigil na sa pagsasalita nang basta-basta sa pamamagitan ng pagdidisiplina ng Diyos; ngunit isang aspekto lamang ito ng pagbabago. Sa ngayon, ang pinakakritikal na punto ay ang pagsunod sa patnubay ng Banal na Espiritu: Sumunod sa anumang sinasabi ng Diyos, at magpasakop sa anumang sinasabi Niya. Hindi mababago ng mga tao mismo ang mga disposisyon ng mga tao; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa mga pagsubok at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pagkakapungos at pagdidisiplina ng Kanyang mga salita. Saka lamang sila magkakamit ng pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at hindi na magiging pabasta-basta sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng pagsisiwalat, paghatol, pagdidisiplina, at pagpupungos ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na magagawa nilang magpasakop sa pinakabagong mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain. Kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, magagawa nilang bitiwan ang mga kuru-kurong ito at kusang magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy sa paghihimagsik laban sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan, at pag-aalis sa sarili ng mga makalamang kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay pagpapasakop sa pinakabagong mga salita ng Diyos at tunay na pagkakilala sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating batay-sa-kuru-kurong kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, at makapagtatamo sila ng tunay na pagkilala at pagpapasakop sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapamalas ng isang pagbabago sa disposisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 540
Ang paghahangad ng mga tao sa buhay pagpasok ay batay sa mga salita ng Diyos. Dati-rati, sinabi na lahat ay isinasakatuparan dahil sa Kanyang mga salita, ngunit walang nakakita sa katotohanang ito. Kung papasok ka sa pagdanas ng kasalukuyang hakbang, magiging malinaw ang lahat sa iyo, at magtatatag ka ng isang magandang pundasyon para sa mga pagsubok sa hinaharap. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon ka lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita. Kapag sinabi ng Diyos na sisimulan Niyang kastiguhin ang mga tao, tanggapin mo ang Kanyang pagkastigo. Kapag hiniling ng Diyos na mamatay ang mga tao, tanggapin mo ang pagsubok na iyon. Kung palagi kang nabubuhay ayon sa Kanyang pinakabagong mga pahayag, sa huli ay gagawin kang perpekto ng mga salita ng Diyos. Habang mas pumapasok ka sa mga salita ng Diyos, mas mabilis kang gagawing perpekto. Bakit Ko hinihiling, sa sunud-sunod na pagbabahagi, na alamin ninyo at pasukin ang mga salita ng Diyos? Kapag patuloy mong pinagsisikapang matamo at maranasan ang mga salita ng Diyos, at pumapasok ka sa realidad ng Kanyang mga salita, saka lamang magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gumawa sa iyo. Samakatuwid, lahat kayo ay mga kalahok sa bawat pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at gaano man kayo nagdurusa, sa huli ay tatanggap kayong lahat ng isang “paalaala.” Upang makamtan ang inyong panghuling pagpeperpekto, kailangan ninyong pumasok sa lahat ng salita ng Diyos. Ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu sa mga tao ay hindi pang-isahan; hinihingi Niyang makipagtulungan ang mga tao, kailangan Niya ang lahat na sadyang makipagtulungan sa Kanya. Anuman ang sabihin ng Diyos, magtuon lamang sa pagpasok sa Kanyang mga salita—magiging mas kapaki-pakinabang ito sa inyong buhay. Lahat ay para magkaroon ng pagbabago sa inyong disposisyon. Kapag pumasok ka sa mga salita ng Diyos, aantigin Niya ang puso mo, at magagawa mong malaman ang lahat ng nais ng Diyos na matupad sa hakbang na ito ng Kanyang gawain, at magkakaroon ka ng determinasyon na kamtin ito. Sa panahon ng pagkastigo, may mga taong naniwala na ito ay isang pamamaraan ng gawain, at hindi sila naniwala sa mga salita ng Diyos. Dahil dito, hindi sila sumailalim sa pagpipino, at lumabas mula sa panahon ng pagkastigo na walang anumang napala o naunawaan. May ilan na talagang pumasok sa mga salitang ito nang wala ni katiting na pagdududa, na nagsabi na ang mga salita ng Diyos ang katotohanang hindi maaaring magkamali at na dapat kastiguhin ang sangkatauhan. Nahirapan sila roon sa loob ng kaunting panahon, pinakakawalan ang kanilang kinabukasan at kanilang tadhana, at paglabas nila, nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang disposisyon, at nagtamo sila ng mas malalim na pagkaunawa tungkol sa Diyos. Nadama ng lahat ng nakastigo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at natanto nila na ang hakbang na ito ng gawain ay sumasagisag sa dakilang pagmamahal ng Diyos na sumasakanila, na ito ang paglupig at pagliligtas ng pagmamahal ng Diyos. Sinabi rin nila na ang mga iniisip ng Diyos ay palaging mabuti, at na lahat ng ginagawa ng Diyos sa tao ay dahil sa pagmamahal, hindi sa pagkamuhi. Yaong mga hindi naniwala sa mga salita ng Diyos, hindi umasa sa Kanyang mga salita, ay hindi sumailalim sa pagpipino sa panahon ng pagkastigo, at dahil dito, hindi sumakanila ang Banal na Espiritu, at wala silang napala. Para sa mga pumasok sa panahon ng pagkastigo, bagama’t sumailalim nga sila sa pagpipino, lihim na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanilang kalooban, at nabago ang disposisyon nila sa buhay dahil dito. Tila ang ilan, paano man tingnan, ay napakapositibo, puno ng saya buong araw, ngunit hindi sila pumasok sa kalagayan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at kaya ni hindi man lang nagbago, na siyang naging bunga ng hindi paniniwala sa mga salita ng Diyos. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang mga salita ng Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Nagpapakita ang Diyos sa lahat ng naniniwala sa Kanyang mga salita, at yaong naniniwala at tumatanggap sa Kanyang mga salita ay makakamtan ang Kanyang pagmamahal!
Para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, dapat mong hanapin ang landas ng pagsasagawa at alamin kung paano isagawa ang mga salita ng Diyos. Saka lamang magkakaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, mapeperpekto ka ng Diyos sa pamamagitan lamang ng landas na ito, at ang mga tao lamang na nagawang perpekto ng Diyos sa ganitong paraan ang maaaring makaayon sa Kanyang mga layunin. Para makatanggap ng bagong liwanag, kailangan mong mamuhay ayon sa Kanyang mga salita. Hindi maaaring maantig lamang nang minsanan ng Banal na Espiritu—kailangan mong maging mas marubdob. Para sa mga minsan lamang naantig, napukaw lamang ang kanilang kasigasigan, at nais nilang maghangad, ngunit hindi ito maaaring magtagal; kailangan silang patuloy na antigin ng Banal na Espiritu. Maraming beses Kong nabanggit dati na inaasam Ko na maantig ng Espiritu ng Diyos ang espiritu ng mga tao, upang patuloy nilang sikaping baguhin ang kanilang disposisyon sa buhay, at habang naghahangad silang maantig ng Diyos, ay maunawaan nila ang sarili nilang mga kakulangan, at sa proseso ng pagdanas sa Kanyang mga salita ay maitakwil nila ang mga karumihan sa kanilang sarili (pagmamagaling, kayabangan, mga kuru-kuro, at iba pa). Huwag ninyong isipin na sapat na ang maging maagap sa pagtanggap ng bagong liwanag—kailangan din ninyong itakwil ang lahat ng negatibo. Sa isang banda, kailangan ninyong pumasok mula sa isang positibong aspeto, at sa kabilang banda, kailangan ninyong alisin sa inyong sarili ang lahat ng marumi mula sa negatibong aspeto. Kailangan mong patuloy na suriin ang iyong sarili upang makita kung aling maruruming bagay ang umiiral pa rin sa iyong kalooban. Ang mga relihiyosong kuru-kuro ng sangkatauhan, ang mga layon, pag-asam, pagmamagaling, at kayabangan ay pawang maruruming bagay. Suriin mo ang sarili mo, at ikumpara ang lahat ng bagay sa lahat ng salita ng paglalantad ng Diyos, upang makita kung aling mga relihiyosong kuru-kuro ang mayroon ka. Kapag tunay mong kinikilala ang mga ito, saka mo lamang maitatakwil ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao: “Sapat na ngayon na sundan lamang ang liwanag ng kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi na kailangang pagkaabalahan ang iba pa.” Kaya lang, kapag nangingibabaw ang iyong mga relihiyosong kuru-kuro, paano mo iwawaksi ang mga ito? Palagay mo ba ay simple lang gawin ang pagsunod sa mga kasalukuyang salita ng Diyos? Kung mayroon kang relihiyon, maaaring magkaroon ng mga pagkagambala mula sa iyong mga relihiyosong kuru-kuro at sa tradisyonal na mga teoryang teolohikal na nasa puso mo, at kapag nangingibabaw ang mga bagay na ito, nakakagulo ito sa pagtanggap mo sa mga bagong bagay. Lahat ng ito ay mga tunay na problema. Kung ang patuloy mo lamang pagsisikapang matamo ay ang kasalukuyang mga salita ng Banal na Espiritu, hindi mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Kasabay ng patuloy mong pagsisikap na mahanap ang kasalukuyang liwanag ng Banal na Espiritu, dapat mong kilalanin kung aling mga kuru-kuro at layon ang kinikimkim mo, at kung anong pagmamagaling ng tao ang mayroon ka, at kung aling mga pag-uugali na mapaghimagsik sa Diyos. At pagkatapos mong makilala ang lahat ng bagay na ito, kailangan mong itakwil ang mga ito. Ang paghihimagsik mo sa dati mong mga kilos at pag-uugali ay pawang para tulutan kang masunod ang mga salitang sinasambit ngayon ng Banal na Espiritu. Ang pagbabago sa disposisyon, sa isang banda, ay nakakamtan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at sa kabilang banda naman, nangangailangan ito ng pakikipagtulungan ng sangkatauhan. Mayroong gawain ng Diyos at mayroon ding pagsasagawa ng tao, at parehong kailangang-kailangan ang mga ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 541
Sa landas ng iyong paglilingkod sa hinaharap, paano mo matutugunan ang mga layunin ng Diyos? Ang isang mahalagang punto ay ang hangarin ang buhay pagpasok, patuloy na sikaping magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, at patuloy na sikaping mas lalong makapasok sa katotohanan—ito ang landas tungo sa pagtatamo ng pagpeperpekto at pagiging nakamit ng Diyos. Lahat kayo ay tumatanggap ng tagubilin ng Diyos, ngunit anong klaseng tagubilin? Nauugnay ito sa susunod na hakbang ng gawain; ang susunod na hakbang ng gawain ay magiging mas dakilang gawaing isinasagawa sa buong sansinukob, kaya ngayon, dapat ninyong patuloy na sikaping baguhin ang inyong disposisyon sa buhay, upang sa hinaharap ay talagang maging patunay kayo ng pagtatamo ng Diyos ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang gawain, at maaaring gagawin kayong mga uliran para sa Kanyang gawain sa hinaharap. Ang patuloy na pagsisikap ngayon ay lubos na para sa paglalatag ng pundasyon para sa gawain sa hinaharap, upang gamitin kayo ng Diyos at makapagpatotoo kayo sa Kanya. Kung gagawin mo itong mithiin ng iyong paghahangad, makakamit mo ang presensya ng Banal na Espiritu. Kapag mas mataas ang itinatakda mong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, mas magagawa kang perpekto. Kapag mas patuloy mong pinagsisikapang matamo ang katotohanan, mas gumagawa ang Banal na Espiritu. Kapag mas masigla ka sa iyong patuloy na pagsisikap, mas marami kang mapapala. Pineperpekto ng Banal na Espiritu ang mga tao ayon sa panloob nilang kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na hindi sila handang gamitin ng Diyos o gawin Niyang perpekto, na nais lamang nilang manatiling ligtas ang kanilang laman at hindi dumanas ng anumang kamalasan. Ang ilang tao ay ayaw pumasok sa kaharian subalit handang bumaba sa walang hanggang kalaliman. Kung gayon, ipagkakaloob din ng Diyos ang iyong nais. Anuman ang iyong hinahangad, papangyarihin iyon ng Diyos. Kaya ano ang hinahangad mo sa ngayon? Iyon ba ay ang magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang mga kilos at pag-uugali ay para magawang perpekto ng Diyos at makamit Niya? Kailangan mong palagiang sukatin ang iyong sarili sa ganitong paraan sa iyong pang-araw-araw na buhay. Kung buong puso mong patuloy na pinagsisikapang makamtan ang isang mithiin, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Gayon ang landas ng Banal na Espiritu. Ang landas kung saan ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang paghahangad. Kapag mas nauuhaw kang magawang perpekto at makamit ng Diyos, mas gagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kapag mas bigo kang maghangad, at mas negatibo ka at bumabalik sa dati, mas kakaunti ang mga pagkakataong kailangang gumawa ang Banal na Espiritu; habang lumalaon, pababayaan ka ng Banal na Espiritu. Nais mo bang magawang perpekto ng Diyos? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang kasangkapanin ka ng Diyos? Dapat ninyong patuloy na sikaping gawin ang lahat para magawa kayong perpekto, makamit, at kasangkapanin ng Diyos, upang makita ng sansinukob at ng lahat ng naroroon ang mga kilos ng Diyos na naipapamalas sa inyo. Kayo ang panginoon ng lahat ng bagay, at sa gitna ng lahat ng naroroon, magtamasa ang Diyos ng patotoo at kaluwalhatian sa pamamagitan ninyo. Ito lang ang nagpapatunay na kayo ang pinakapinagpala sa lahat ng henerasyon!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 542
Kapag mas mapagsaalang-alang ka sa mga layunin ng Diyos, mas malaki ang iyong papasanin, at kapag mas malaki ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag mapagsaalang-alang ka sa mga layunin ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay bibigyang-liwanag ka tungkol sa mga gampaning naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, magbibigay ka ng espesyal na atensiyon sa mga nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin para sa mga kalagayan ng buhay ng mga kapatid, kung gayon, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay nailatag sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin ang pasanin ng Diyos na parang iyo. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, haharapin mo ang ganitong klase ng mga isyu, at mapapaisip ka, “Paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko matutulungan ang aking mga kapatid na mapalaya at magkaroon ng kasiyahan sa kanilang mga espiritu?” Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikipagbahaginan, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos nang may pakiramdam ng pasanin, nauunawaan mo ang Kanyang mga hinihingi, at pagkatapos ay magiging mas malinaw ang daan pasulong para sa iyo. Ito ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu na dumarating kapag mayroon kang pasanin, at ito rin ang gabay ng Diyos para sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos nang may pasanin sa iyong puso, magagawa mong arukin ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at maisasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos. Samakatwid, dapat mong ipagdasal na maglagay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa iyo at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na atas, nang sa gayon ay maaari kang magkaroon ng mas malinaw na landas para sa pagsasagawa mo sa hinaharap; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para magawa mong arukin ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu.
Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagsasanay sa panalangin, pagtanggap sa pasanin ng Diyos, at pagtanggap sa mga atas na ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para magkaroon ka ng landas pasulong. Kapag mas mabigat ang pasanin mo para sa atas ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw pa ngang makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos kapag sila ay tinatawag; ang mga ito ay mga taong tamad na nag-iimbot ng kaginhawahan. Kapag mas hinihingi sa iyo na makipagtulungan sa iba para maglingkod, magkakaroon ka ng mas maraming karanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatwid, kung kaya mong paglingkuran nang sinsero ang Diyos, magiging mapagsaalang-alang ka sa pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo ng mga tao ay kasalukuyang pineperpekto. Kapag lalo kang inaantig ng Banal na Espiritu nang mas matindi, mas isasaalang-alang mo ang pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay tamad at matamlay, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaalang-alang mo ang mga layunin ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ibinibigay Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil nagkakaroon ka ng pasanin para sa iglesia nang sa gayon ay maaari kang gawing perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng gayong mga karanasan. Samakatwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, sinuman ang nagdadala ng pasanin para sa buhay pagpasok—sila ang mga taong ginagawang perpekto ng Diyos. Malinaw mo ba itong nakita? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala at naliligalig, at nagbubulag-bulagan ka pa nga kapag hindi normal na nakakakain at nakakainom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, kung gayon, isa itong pagpapamalas ng hindi pagkakaroon ng pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang mga minamahal ng Diyos. Ang mga taong minamahal ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaalang-alang nila ang mga layunin ng Diyos. Sa gayon, dapat kayong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ibunyag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa di-mabilang na tao bago kayo maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ay isang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalampas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong si Moises ay hindi nagawang pumasok sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naibunyag na ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa di-mabilang na mga tao, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. Ang ilang tao ay mismong iyong mga makakakita na nagkakatotoo ang mga salitang ito sa kanilang sarili. Handa ka bang gawin ang iyong sarili na isang sakripisyo para sa mga salitang ito?
Kung hindi ka naghahanap ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos, at kung hindi ka nagpupunyaging makaungos sa grupo sa iyong paghahangad na maperpekto, sa bandang huli ay pagsisisihan mo ito. Ang kasalukuyan ang pinakamainam na pagkakataon na magperpekto ng mga tao; ngayon ay napakagandang panahon. Kung hindi mo taimtim na hinahangad na maperpekto ng Diyos, kapag nagwakas na ang Kanyang gawain, nalagpasan mo na ang pagkakataon—magiging huli na ang lahat. Gaano man kalaki ang iyong determinasyon, kung hindi na gumagampan ng gawain ang Diyos, hindi ka na kailanman mapeperpekto kahit magpakapagod ka nang husto. Kailangan mong samantalahin ang pagkakataong ito at makipagtulungan habang ginagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang dakilang gawain. Kung makalagpas sa iyo ang pagkakataong ito, hindi ka na mabibigyan ng isa pa, anuman ang gawin mo. Ang ilan sa inyo ay tumatawag, “O Diyos, handa akong maging mapagsaalang-alang sa Iyong pasanin, at handa akong tugunan ang Iyong mga layunin!” Gayunman, wala kang landas upang magsagawa, kaya hindi magtatagal ang iyong mga pasanin. Kung may isang landas sa iyong harapan, magkakaroon ka ng karanasan nang paisa-isang hakbang, at ang iyong karanasan ay magiging planado at maayos. Kapag natapos na ang isang pasanin, bibigyan ka ng isa pa. Habang lumalalim ang iyong karanasan sa buhay, mas lalalim din ang iyong mga pasanin. Ang ilang tao ay nagdadala lamang ng isang pasanin kapag inantig ng Banal na Espiritu; pagkaraan ng kaunting panahon, kapag wala na silang landas ng pagsasagawa, tumitigil silang magdala ng anumang mga pasanin. Hindi ka magkakaroon ng mga pasanin sa pagkain at pag-inom lamang ng mga salita ng Diyos. Sa pag-unawa sa maraming katotohanan, magkakaroon ka ng paghiwatig, matututo kang lumutas ng mga problema gamit ang katotohanan, at magkakaroon ka ng mas tumpak na pagkaunawa tungkol sa mga salita at mga layunin ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, magkakaroon ka ng dadalhing mga pasanin, at saka mo lamang magagawang gampanan ang gawain nang wasto. Kung mayroon kang isang pasanin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa sa katotohanan, hindi rin maaari iyan; kailangan mong maranasan mismo ang mga salita ng Diyos at malaman kung paano isagawa ang mga ito. Matapos kang makapasok sa realidad, saka ka lamang maaaring maglaan para sa iba, manguna sa iba, at maperpekto ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 543
Sa kasalukuyan, ang gawain ng Diyos ay ang magawa ang lahat na makapasok sa tamang landas, magkaroon ng normal na espirituwal na buhay at tunay na mga karanasan, maantig ng Banal na Espiritu, at—sa pundasyong ito—tanggapin ang mga tagubilin ng Diyos. Ang layunin ng pagpasok sa pagsasanay ng kaharian ay para tulutan ang inyong bawat salita, gawa, galaw, iniisip at ideya na pumasok sa loob ng mga salita ng Diyos; para maantig kayo ng Diyos nang mas madalas at sa gayon ay magkaroon kayo ng mapagmahal-sa-Diyos na puso; at para ipadala sa inyo ang mas marami sa pasanin ng mga layunin ng Diyos, para lahat ay nasa landas ng pagpeperpekto ng Diyos, para lahat ay nasa tamang landas. Sa sandaling ikaw ay nasa landas nang ito ng pagpeperpekto ng Diyos, ikaw ay nasa tamang landas. Sa sandaling ang iyong mga iniisip at ideya, gayundin ang iyong mga maling layunin, ay maaari nang itama, at nagagawa mo nang ibaling ang oagsasaalang-alang sa laman tungo sa pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at sa sandaling nagagawa mo nang labanan ang panggugulo ng mga maling layunin kapag naiisip mo ang mga ito, sa halip ay kumikilos ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos—kung nagagawa mong magbago nang gayon, ikaw ay nasa tamang landas na ng karanasan sa buhay. Sa sandaling ang isinasagawa mong mga panalangin ay nasa tamang landas na, aantigin ka ng Banal na Espiritu sa iyong mga panalangin. Tuwing ikaw ay magdarasal, aantigin ka ng Banal na Espiritu; tuwing ikaw ay magdarasal, magagawa mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos. Tuwing ikaw ay kumakain at umiinom ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, kung nagagawa mong maarok ang gawaing kasalukuyan Niyang ginagampanan at matututuhan mo kung paano magdasal, paano makipagtulungan, at paano makapasok, saka lamang magkakaroon ng mga bunga ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kapag nagawa mo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, na mahanap ang landas ng pagpasok at makilatis ang takbo ng kasalukuyang gawain ng Diyos, gayundin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, nakapasok ka na sa tamang landas. Kung hindi mo pa nauunawaan ang mga pangunahing punto habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos at, pagkatapos, hindi mo pa rin masumpungan ang landas tungo sa pagsasagawa, ipapakita niyan na hindi mo pa rin alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang wasto, at na hindi mo pa natutuklasan ang pamamaraan o prinsipyo para magawa ito. Kung hindi mo pa naaarok ang gawaing kasalukuyang isinasagawa ng Diyos, hindi mo magagawang tanggapin ang mga gawaing ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang gawaing kasalukuyang ginagawa ng Diyos ang dapat mismong kasalukuyang pasukin at maunawaan ng mga tao. Nauunawaan ba ninyo ang mga bagay na ito?
Kung kakainin at iinumin mo nang epektibo ang mga salita ng Diyos, magiging normal ang iyong espirituwal na buhay, at anumang mga pagsubok ang makaharap mo, anumang mga pangyayari ang makatagpo mo, anumang pisikal na karamdaman ang tiisin mo, anumang pagkawalay sa mga kapatid o mga paghihirap sa pamilya ang maranasan mo, nagagawa mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang normal, manalangin nang normal, at magpatuloy sa iyong buhay-iglesia nang normal; kung magagawa mo ang lahat ng ito, ipapakita nito na ikaw ay nasa tamang landas. Ang ilang tao ay masyadong marupok at walang tiyaga. Kapag naharap sa maliit na balakid, umuungot at nagiging negatibo sila. Ang paghahangad ng katotohanan ay nangangailangan ng tiyaga at determinasyon. Kung nabigo kang tugunan ang mga layuninn ng Diyos sa ngayon, kailangan mong magawang kamuhian ang iyong sarili at, sa iyong kaibuturan, tahimik na maging determinadong magtagumpay sa susunod. Kung, sa oras na ito, hindi ka naging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, dapat kang maging determinadong maghimagsik laban sa tawag ng laman kapag naharap ka sa balakid ding iyon sa hinaharap, at pagpasyahan mong tugunan ang mga layunin ng Diyos. Ganito ang paraan para ikaw ay maging kapuri-puri. Ang ilang tao ay ni hindi alam kung ang kanilang sariling mga iniisip o ideya ay tama; ang mga taong iyon ay mga hangal! Kung nais mong supilin ang puso mo at maghimagsik laban sa tawag ng laman, kailangan mo munang malaman kung tama ang iyong mga hangarin; saka mo lamang masusupil ang puso mo. Kung hindi mo alam kung tama ang iyong mga hangarin, posible bang masupil mo ang puso mo at maghimagsik ka laban sa tawag ng laman? Kahit maghimagsik ka, gagawin mo ito sa isang nalilitong paraan. Dapat mong malaman kung paano maghimagsik laban sa iyong mga maling layunin; ito ang ibig sabihin ng maghimagsik laban sa tawag ng laman. Sa sandaling kinikilala mo nang mali ang iyong mga hangarin, iniisip at ideya, dapat kang pumihit kaagad at tumahak sa tamang landas. Lutasin mo muna ang isyung ito, at sanayin ang sarili mo na makapasok sa bagay na ito, dahil ikaw ang higit na nakakaalam kung tama ang iyong mga hangarin o hindi. Sa sandaling naitama na ang iyong mga maling hangarin at naging para na sa kapakanan ng Diyos, nakamit mo na ang mithiing supilin ang puso mo.
Ang pinakamahalagang gawin ninyo ngayon ay ang magtamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang gawain. Kailangan mo ring malaman kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa sangkatauhan; mahalaga ang mga pagkilos na ito para makapasok sa tamang landas. Magiging mas madali para sa iyo na gawin ito kapag nauunawaan mo na ang mahalagang puntong ito. Naniniwala ka sa Diyos at kilala mo ang Diyos, na nagpapakita na ang iyong paniniwala sa Diyos ay tunay. Kung patuloy kang magtatamo ng karanasan, subalit sa huli ay hindi mo pa rin nakikilala ang Diyos, tiyak na isa kang taong lumalaban sa Diyos. Yaong mga naniniwala lamang kay Jesucristo pero hindi naman naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay parurusahang lahat. Lahat sila ay mga Pariseo sa modernong panahon, sapagkat hindi nila kinikilala ang Diyos ng ngayon; at lahat sila ay kontra sa Diyos. Gaano man sila katapat sa kanilang pagsamba kay Jesus, lahat ng iyon ay mawawalan ng kabuluhan; hindi sila sasang-ayunan ng Diyos. Lahat niyaong may hawak na karatula na nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, subalit walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos sa kanilang puso, ay mga mapagkunwari!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 544
Upang hangaring maperpekto ng Diyos, kailangan munang maunawaan ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng maperpekto Niya, gayundin kung anong mga kundisyon ang kailangan niyang tugunan upang maperpekto. Kapag nauunawaan na niya ang gayong mga bagay, kailangan niyang maghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Upang maperpekto, kailangan siyang magkaroon ng partikular na kakayahan. Maraming tao ang hindi likas na may sapat na kakayahan, sa ganoong kaso kailangan mong magbayad ng halaga at magsikap nang husto. Kapag mas masahol ang iyong kakayahan, mas kailangan mong magsikap nang husto. Kapag mas nauunawaan mo ang mga salita ng Diyos at mas isinasagawa mo ang mga iyon, mas mabilis kang makakatahak sa landas ng pagiging perpekto. Sa pamamagitan ng pagdarasal, maaari ka ring maperpekto patungkol sa pagdarasal; maaari ka ring maperpekto sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pag-unawa sa diwa ng mga ito, at pagsasabuhay ng realidad ng mga ito. Sa pagdanas ng mga salita ng Diyos araw-araw, dapat mong malaman kung ano ang kulang sa iyo; bukod pa riyan, dapat mong makilala ang iyong depekto na ikapapamahak mo at ang iyong mga kahinaan, at manalangin at magsumamo sa Diyos. Sa paggawa nito, unti-unti kang mapeperpekto. Ang landas tungo sa pagiging perpekto ay: pagdarasal; pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; pag-unawa sa diwa ng mga salita ng Diyos; pagpasok sa karanasan ng mga salita ng Diyos; pag-alam kung ano ang kulang sa iyo; pagpapasakop sa gawain ng Diyos; pagiging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos at paghihimagsik laban sa laman sa pamamagitan ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; at pagsali sa malimit na pakikibahagi sa iyong mga kapatid, na maaaring magpayaman sa iyong mga karanasan. Buhay mo man ito sa komunidad o iyong personal na buhay, at malalaking pulong man ito o maliliit, lahat ay maaaring magtulot sa iyo na magkaroon ng karanasan at tumanggap ng pagsasanay upang ang puso mo ay matahimik sa harap ng Diyos at makabalik sa Kanya. Lahat ng ito ay bahagi ng proseso ng pagpeperpekto. Ang pagdaranas ng mga salita ng Diyos, gaya ng binanggit kanina, ay nangangahulugan ng tunay na pagtikim sa mga ito at pagtutulot sa sarili mo na isabuhay ang mga ito, upang magkaroon ka ng mas matinding pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. Sa ganitong paraan, unti-unti mong maiwawaksi ang iyong tiwali at satanikong disposisyon; maiwawaksi mo ang iyong mga di-wastong motibo; at maisasabuhay mo ang wangis ng isang normal na tao. Kapag mas matindi ang pagmamahal mo sa Diyos sa iyong kalooban—ibig sabihin, mas malaking bahagi mo ang naperpekto ng Diyos—mas hindi ka malulukuban ng katiwalian ni Satanas. Sa pamamagitan ng iyong mga praktikal na karanasan, unti-unti kang makakatahak sa landas ng pagiging perpekto. Sa gayon, kung nais mong maperpekto, napakahalagang isaalang-alang ang ang mga layunin ng Diyos at maranasan ang Kanyang mga salita.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maging Mapagsaalang-alang sa mga Layunin ng Diyos Para Makamit ang Pagiging Perpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 545
Nais ng Diyos ngayon na matamo ang isang grupo ng mga tao, isang grupong binubuo ng mga gumagawa ng lahat ng kanilang makakaya para makipagtulungan sa Kanya, na kayang magpasakop sa Kanyang gawain, na naniniwala na ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay totoo, at kayang isagawa ang mga hinihingi ng Diyos; sila yaong may tunay na pag-unawa sa kanilang puso, sila yaong kayang gawing perpekto, at walang alinlangang magagawa nilang tumahak sa landas ng pagkaperpekto. Yaong mga hindi magagawang perpekto ay mga taong walang malinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, na hindi pumapansin sa Kanyang mga salita, at na walang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Yaong mga nagdududa sa Diyos na nagkatawang-tao, na palaging nag-aalinlangan tungkol sa Kanya, na hindi kailanman tumatrato nang seryoso sa Kanyang mga salita at palaging nagtatangkang manlinlang sa Kanya, ay mga taong lumalaban sa Diyos at sila ay kay Satanas; walang paraan para gawing perpekto ang gayong mga tao.
Kung nais mong maperpekto, kailangan mo munang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos, sapagkat pineperpekto Niya yaong mga tinatrato Niya nang may pabor at nakaaayon sa Kanyang mga layunin. Kung nais mong umayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Kanyang gawain, kailangan mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para hangarin ang katotohanan, at kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay. Sumailalim na ba ang lahat ng ginagawa mo sa pagsisiyasat ng Diyos? Tama ba ang iyong intensyon? Kung tama ang iyong intensyon, sasang-ayunan ka ng Diyos; kung mali ang iyong intensyon, ipinapakita nito na ang minamahal ng puso mo ay hindi ang Diyos, kundi ang laman at si Satanas. Kung gayon, kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagamat hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka pareho sa persona Ko at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka nananampalataya sa katawang-taong ito? Nananampalataya ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Mananampalataya ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag nananampalataya ka sa taong ito, nananampalataya ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pagkatakot mo sa taong ito ay pagkatakot mo sa Espiritu ng Diyos. Ang pananalig sa Espiritu ng Diyos ay pananalig sa taong ito, at ang pananalig sa taong ito ay pananalig din sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Ang anumang bagay na hindi makatiis sa pagsisiyasat ng Diyos ay hindi alinsunod sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay pagsalungat iyon sa Diyos. Kaya, nagdarasal, nagsasalita at nagbabahagi ka man sa iyong mga kapatid, o gumagawa ng iyong tungkulin at tinatapos ang mga bagay-bagay, dapat mong ilahad ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kapag ginagampanan mo ang iyong gampanin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong sinserong tuparin ang iyong papel. Kapag nagdarasal ka, dapat mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso at hanapin mo ang pangangalaga, proteksiyon, at pagsisiyasat ng Diyos. Kung ang mga ito ang mga intensiyon mo, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pagtitipon, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Kung mayroon kang maalab na mapagmahal-sa-Diyos na puso, manumpa ka sa Diyos: “Diyos ko, na nasa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay, isinusumpa ko sa Iyo: Nawa’y siyasatin ng Iyong Espiritu ang lahat ng ginagawa ko at protektahan at pangalagaan ako sa lahat ng oras, nang sa gayon ang lahat ng ginagawa ko ay makakapanindigan sa Iyong presensiya. Kung sakaling hindi Ka mahalin ng puso ko o ipagkanulo Ka nito, kastiguhin at isumpa Mo ako nang matindi. Huwag Mo akong patawarin sa buhay na ito o sa mundong darating!” Nangangahas ka bang manumpa nang gayon? Kung hindi, ipinapakita nito na ikaw ay duwag, at na mahal mo pa rin ang iyong sarili. May ganito ba kayong pagpapasya? Kung ito talaga ang inyong pagpapasya, dapat ninyong gawin ang panunumpang ito. Kung may determinasyon ka at gumagawa ka ng gayong panunumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong determinasyon. Kapag nanunumpa ka sa Diyos, nakikinig Siya. Tinutukoy ng Diyos kung ikaw ay makasalanan o matuwid batay sa iyong panalangin at iyong pagsasagawa. Ngayon, nasa proseso kayo ng pagiging perpekto, at kung talagang may pananalig ka na magagawang perpekto, dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung gagawa ka ng isang bagay na labis na mapanghimagsik o kung ipagkakanulo mo ang Diyos, gagawin Niyang magkatotoo ang iyong panunumpa; sa puntong iyon, maharap ka man sa perdisyon o maharap sa pagkastigo, magiging sariling kagagawan mo ito. Ikaw ang nanumpa, kaya dapat mong tuparin ito. Kung ikaw ay nanumpa, ngunit hindi mo ito tinupad, masasadlak ka sa perdisyon. Yamang ikaw ang nanumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong panunumpa. Natatakot ang ilan pagkatapos nilang manalangin, at nagsasabi, “Tapos na ang lahat! Wala na ang pagkakataon kong maging mapagpalayaw; ang pagkakataon kong gumawa ng masasamang bagay ay wala na; wala na ang pagkakataon kong magpakalulong sa aking mga makamundong pagnanasa!” Gustung-gusto pa rin ng mga taong ito ang mundo at kasalanan, at tiyak na masasadlak sila sa perdisyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 546
Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat ay magawa mong dalhin sa Kanyang harapan ang lahat ng iyong gawa at kilos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi mo pa tinanggap ang pagsisiyasat ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa ngalan nino gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay nagkaroon ng materyal na anyo sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi makatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi mapeperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na isa kang taong gumagawa ng masama. Mapeperpekto ba ang mga taong gumagawa ng masama? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat intensiyon, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Nangangahulugan ito na lahat ng bagay mula sa iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—pagdarasal, paglapit sa Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, at pamumuhay ng buhay iglesia—hanggang sa iyong paglilingkod sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba, ay dapat dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas nagagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, mas napapadalisay at mas naaayon ka sa mga layunin ng Diyos, nang sa gayon ay hindi ka masasadlak sa pagpapalayaw, at makapamumuhay ang puso mo sa Kanyang presensiya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang pagsisiyasat, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, dapat mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hanapin ang Kanyang pagsisiyasat, at dapat kang sadyang magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tumpak ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na namumuhay sa presensya ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 547
Yaong mga walang pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi kailanman lubos na makapagpapasakop sa Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mga anak ng pagrerebelde. Masyado silang ambisyoso, at labis silang mapaghimagsik, kaya inilalayo nila ang kanilang sarili mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Ang mga taong kagaya nito ay hindi madaling maperpekto. Mapili ang ilang tao kung paano nila kakainin at iinumin ang mga salita ng Diyos at sa pagtanggap nila sa mga ito. Tinatanggap nila ang ilang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro samantalang inaayawan yaong mga hindi. Hindi ba’t ito ang pinakatahasang paghihimagsik at paglaban sa Diyos? Kung maraming taon nang nananampalataya ang isang tao sa Diyos nang hindi nagtatamo ng kahit kaunting pagkaunawa tungkol sa Kanya, siya ay hindi mananampalataya. Yaong mga handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos ay yaong mga naghahangad na maunawaan Siya, na handang tanggapin ang Kanyang mga salita. Sila ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos at magmamana ng mga pagpapala Niya, at sila ang pinakapinagpala. Isinusumpa ng Diyos yaong mga walang-puwang para sa Kanya sa kanilang puso, at kinakastigo at tinatalikdan Niya ang gayong mga tao. Kung hindi mo mahal ang Diyos, tatalikdan ka Niya, at kung hindi ka makikinig sa sinasabi Ko, ipinapangako Ko na tatalikdan ka ng Espiritu ng Diyos. Subukan mo ito kung hindi ka naniniwala! Sa araw na ito nililinaw Ko sa iyo ang isang landas ng pagsasagawa, ngunit nasa sa iyo kung isasagawa mo ito. Kung hindi ka naniniwala rito, kung hindi mo ito isasagawa, makikita mo mismo kung gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o hindi! Kung hindi mo hahangaring maunawaan ang Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Diyos sa yaong mga naghahangad at nagpapahalaga sa Kanyang mga salita. Kapag mas pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, mas gagawa sa iyo ang Kanyang Espiritu. Kapag mas pinahahalagahan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, mas marami siyang magiging pagkakataon na magawang perpekto ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at pineperpekto Niya yaong mga may puso na tahimik sa Kanyang harapan. Dapat mong pahalagahan ang lahat ng gawain ng Diyos, pahalagahan ang kaliwanagan ng Diyos, pahalagahan ang presensya ng Diyos, pahalagahan ang pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at pahalagahan kung paano nagiging realidad mo at nagtutustos sa iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ay pinakamainam na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kung pinahahalagahan mo ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo, pagpapalain ka Niya at pararamihin ang lahat ng sa iyo. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi Siya gagawa sa iyo; pagkakalooban ka lamang Niya ng kaunting biyaya para sa iyong pananampalataya, hinahayaan kang magkaroon ng kaunting materyal na pagpapala o binibigyan ang iyong pamilya ng kaunting seguridad. Dapat mong hangaring gawing iyong realidad ang mga salita ng Diyos, na magawang palugurin Siya, at umayon sa Kanyang mga layunin; hindi ka lamang dapat maghangad na tamasahin ang Kanyang biyaya. Wala nang iba pang mas mahalaga para sa mga mananampalataya kaysa matanggap ang gawain ng Diyos, matamo ang pagkaperpekto, at maging mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang layong dapat mong hangarin.
Lahat ng hinangad ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay lipas na, dahil mayroon na ngayong mas mataas na pamantayan ng paghahangad; ang hinahangad ay kapwa mas matayog at mas praktikal, ang hinahangad ay mas makatutugon sa kinakailangan ng kalooban ng tao. Hindi gumawa ang Diyos sa mga tao ng mga nagdaang kapanahunan at henerasyon kagaya ng ginagawa Niya ngayon; hindi Siya nangusap sa kanila nang kasingdami ng ginagawa Niya ngayon, ni hindi kasintayog ngayon ang Kanyang mga hinihingi sa kanila noon. Na mayroon ang Diyos ng mga ganitong hinihingi sa inyo ngayon ay nagpapakita na ang sukdulang layunin ng Diyos ay nakatuon sa inyo, sa grupong ito ng mga tao. Kung talagang nais mong maperpekto ng Diyos, hangarin mo ito bilang iyong sentrong layon. Ikaw man ay pumaparoon at pumaparito, gumugugol ng iyong sarili, naglilingkod sa isang papel, o tumatanggap ng atas ng Diyos, palaging hangarin na maperpekto at matugunan ang mga layunin ng Diyos, na makamtan ang layong ito. Kung sinasabi ng isang tao na hindi niya hinahangad ang maperpekto ng Diyos o ang buhay pagpasok, kundi hinahangad lamang niya ang kapayapaan at kagalakan ng laman, siya ang pinakabulag na tao. Yaong mga hindi naghahangad sa buhay realidad, kundi naghahangad lamang ng buhay na walang hanggan sa mundong darating at kaligtasan sa buhay na ito, ang pinakabulag sa lahat ng tao. Kaya, lahat ng ginagawa mo ay dapat gawin para sa layuning maperpekto at makamit ng Diyos.
Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ay para magtustos sa kanila batay sa kanilang magkakaibang pangangailangan. Habang lumalaki ang buhay ng isang tao, mas lumalaki ang kanyang pangangailangan at mas naghahangad siya. Kung sa yugtong ito ay wala kang hinahangad, pinatutunayan nito na tinalikdan ka na ng Banal na Espiritu. Lahat ng naghahangad ng buhay ay hindi kailanman tatalikdan ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay palaging may bagay na hahangarin, at palaging may pinananabikan sa kanilang puso. Ang gayong mga tao ay hindi kuntento kailanman sa kanilang kasalukuyang katayuan. Bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay naglalayon na magkamit ng epekto sa iyo, ngunit kung magiging kampante ka tungkol sa kasalukuyan mong katayuan, kung wala ka nang mga pangangailangan, kung hindi mo na tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, tatalikdan ka Niya. Kailangan ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos araw-araw; kailangan nila ang saganang panustos mula sa Diyos araw-araw. Makakaraos ba ang mga tao nang hindi kumakain at umiinom ng salita ng Diyos araw-araw? Kung palaging nadarama ng isang tao na hindi sapat ang nakakain at naiinom niyang salita ng Diyos, kung palagi siyang naghahanap at palaging nagugutom at nauuhaw para sa pagiging matuwid, palaging gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Habang mas nagugutom at nauuhaw para sa pagiging matuwid ang isang tao, mas nagagawa niyang magbahagi tungkol sa mga praktikal na bagay. Habang mas tumutuon ang isang tao sa paghahanap sa katotohanan, mas mabilis na lumalago ang kanyang buhay, yumayaman ang kanyang karanasan at nagiging mayaman siya sa sambahayan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 548
Ang Banal na Espiritu ay may isang landas na tatahakin sa bawat tao, at binibigyan ang bawat tao ng pagkakataon na maperpekto. Sa iyong pagiging negatibo ay nakikilala mo ang sarili mong katiwalian, at sa pagwawaksi ng pagiging negatibo ay makasusumpong ka ng landas ng pagsasagawa; lahat ito ay paraan kung saan ginagawa kang perpekto. Bukod diyan, patuloy kang binibigyan ng panloob na paggabay at pagtanglaw sa pamamagitan ng ilang positibong bagay, tinutulutan ka na aktibo mong tuparin ang iyong papel, at lumago sa kabatiran at magkamit ng pagkilatis. Kapag maganda ang iyong kondisyon, lalong handa kang basahin ang mga salita ng Diyos, at lalong handa kang manalangin sa Diyos, at maiuugnay mo ang mga sermon na iyong naririnig sa iyong sariling kalagayan. Sa gayong mga pagkakataon binibigyang-liwanag at tinatanglawan ng Diyos ang iyong kalooban, kaya natatanto mo ang ilang bagay mula sa positibong aspekto. Ganito ka pineperpekto sa positibong aspekto. Sa mga negatibong kalagayan, ikaw ay mahina at negatibo; pakiramdam mo ay wala ang Diyos sa puso mo, subalit tinatanglawan ka ng Diyos, tinutulungan kang makahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Ang paglabas dito ay ang pagtatamo ng pagkaperpekto sa negatibong aspekto. Mapeperpekto ng Diyos ang tao kapwa sa positibo at negatibong mga aspekto. Nakasalalay ito sa kung nagagawa mong makaranas, at kung hinahangad mong maperpekto ng Diyos. Kung tunay mong hinahangad na maperpekto ng Diyos, ang negatibo ay hindi ka pagdadanasin ng kawalan, kundi tiyak na maghahatid sa iyo ng mga bagay na mas totoo, at magagawa kang mas makilala yaong kakulangan sa loob mo, mas magawang maarok ang iyong tunay na kalagayan, at makikita na walang kahit ano ang tao, at siya ay walang halaga; kung hindi ka makararanas ng mga pagsubok, hindi mo makikilala, at palagi mong madarama na nakahihigit ka sa iba at mas mahusay ka kaysa sa lahat ng iba pa. Sa lahat ng ito makikita mo na ang lahat ng nauna ay ginawa ng Diyos at pinrotektahan ng Diyos. Dahil sa pagpasok sa mga pagsubok, nawawalan ka ng pagmamahal o pananalig, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Gumagamit Siya ng lahat ng uri ng sitwasyon para pungusan ang mga tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ibunyag ang tao; sa isang banda, pinupungusan Niya ang tao, sa isa pa, ibinubunyag Niya ang tao, at sa isa pa, isinisiwalat Niya ang tao, hinuhukay at isinisiwalat ang “mga hiwaga” sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa marami sa mga kalagayan nito. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng pagsisiwalat, sa pamamagitan ng pagpupungos sa tao, sa pamamagitan ng pagpipino, at sa pamamagitan ng pagkastigo—para makilala ng tao na ang Diyos ay praktikal.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 549
Ano ang hinahangad ninyo ngayon? Ang maperpekto ng Diyos, makilala ang Diyos, makamit ang Diyos—o marahil ito ay pag-uugali ng isang Pedro ng dekada 90, o pananalig na higit pa kaysa sa pananalig ni Job, o marahil ito ay ang matawag ng Diyos na matuwid at makarating sa harap ng luklukan ng Diyos, o maipamalas ang Diyos sa lupa at magbigay ng malakas at matunog na patotoo para sa Diyos. Anuman ang inyong hinahangad, sa kabuuan, ang lahat ng ito ay para mailigtas ng Diyos. Naghahangad ka man na maging isang taong matuwid, naghahangad ka man ng pag-uugali ni Pedro, o ang pananalig ni Job, o na maperpekto ng Diyos, lahat ay gawaing ginagawa ng Diyos sa tao. Sa madaling salita, anuman ang iyong hinahangad, lahat ng ito ay para maperpekto ng Diyos, lahat ng ito ay para maranasan ang mga salita ng Diyos, para bigyang-kasiyahan ang puso ng Diyos; anuman ang iyong hinahangad, lahat ng ito ay para matuklasan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, para mahanap ang isang landas ng pagsasagawa sa tunay na karanasan na may layon na maiwaksi ang iyong sariling mapanghimagsik na disposisyon, matamo ang isang normal na kalagayan sa iyong kalooban, maging ganap na ayon sa mga layunin ng Diyos, maging isang tamang tao, at magkaroon ng tamang motibo sa lahat ng iyong ginagawa. Kaya mo dinaranas ang lahat ng ito ay upang makilala mo ang Diyos at lumago ang iyong buhay. Bagama’t ang nararanasan mo ay mga salita ng Diyos at aktuwal na mga pangyayari, gayundin ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa iyong mga kapaligiran, sa huli ay nakikilala mo ang Diyos at napeperpekto ka ng Diyos. Para hangaring tahakin ang landas ng isang taong matuwid o hangaring isagawa ang mga salita ng Diyos: ang mga ito ang landas na tatakbuhin, samantalang ang makilala ang Diyos at maperpekto ng Diyos ay ang hantungan. Hinahangad mo man ngayong maperpekto ng Diyos, o hinahangad na magpatotoo para sa Diyos, lahat ng ito sa bandang huli ay para makilala ang Diyos; ito ay para hindi mawalan ng kabuluhan ang gawaing Kanyang ginagawa sa iyo, upang sa huli ay makilala mo ang pagiging praktikal ng Diyos, malaman ang Kanyang kadakilaan, at higit pa roon ay makilala ang kababaang-loob at pagiging tago ng Diyos, at makilala ang maraming gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo. Nagpakumbaba Mismo ang Diyos sa gayong antas kaya ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa marurumi at tiwaling mga taong ito, at pineperpekto ang grupong ito ng mga tao. Hindi lamang naging tao ang Diyos upang mamuhay at kumain sa gitna ng mga tao, ipastol ang mga tao, at tustusan ang pangangailangan ng mga tao. Ang higit na mahalaga ay ginagawa Niya ang Kanyang napakalaking gawain ng pagliligtas at paglupig sa mga taong ito na sukdulang tiwali. Dumating Siya sa puso ng malaking pulang dragon upang iligtas ang pinakatiwaling mga taong ito, nang sa gayon ay mabago at mapanibago ang lahat ng tao. Ang napakalaking pagdurusa na tinitiis ng Diyos ay hindi lamang ang pagdurusa na tinitiis Niya sa pagkakatawang-tao, kundi higit sa lahat ay dumaranas ng sukdulang kahihiyan ang Espiritu ng Diyos—labis Siyang nagpapakumbaba at nagtatago ng sarili kaya Siya nagiging isang ordinaryong tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at kinuha ang anyo ng laman upang makita ng mga tao na mayroon Siyang normal na buhay ng tao at normal na mga pangangailangan ng tao. Sapat na ito upang patunayan na nagpakumbaba Mismo ang Diyos nang labis. Ang Espiritu ng Diyos ay nagkakatotoo sa katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay lubhang kataas-taasan at napakadakila, subalit nag-aanyo Siyang isang ordinaryong tao, isang hamak na tao, upang gawin ang gawain ng Kanyang Espiritu. Sa usapin ng kakayahan, kabatiran, katwiran, pagkatao, at buhay ng bawat isa sa inyo, talagang hindi kayo karapat-dapat na makatanggap ng ganitong uri ng gawain ng Diyos, at talagang hindi kayo karapat-dapat sa pagtitiis ng Diyos ng gayong pagdurusa para sa inyong kapakanan. Ang Diyos ay napakarangal. Siya ay kataas-taasan hanggang sa gayong antas, at ang mga tao ay mababa hanggang sa gayong antas, ngunit gumagawa pa rin Siya sa kanila. Hindi lamang Siya nagkatawang-tao upang magtustos para sa mga tao, upang magsalita sa mga tao, kundi namumuhay pa Siyang kasama ng mga tao. Labis na mapagpakumbaba ang Diyos, labis na kaibig-ibig. Kung ikaw, sa sandaling mabanggit ang pag-ibig ng Diyos, sa sandaling mabanggit ang biyaya ng Diyos, ay lumuluha habang bumibigkas ng dakilang papuri, kung makarating ka sa kalagayang ito, mayroon kang tunay na pagkakilala sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 550
May paglihis sa paghahangad ng mga tao ngayon: Hinahangad lamang nilang mahalin ang Diyos at bigyang-kasiyahan ang Diyos, ngunit wala silang anumang pagkakilala sa Diyos, at napabayaan na ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu sa loob nila. Wala sa kanila ang pundasyon ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Sa ganitong paraan, nawawalan sila ng gana habang dumadaan sila sa mga karanasan. Ang lahat ng naghahangad ng tunay na pagkakilala sa Diyos—sa kabila ng pagiging hindi maganda ang mga kondisyon sa nakaraan, at pagkakaroon ng tendensiyang maging negatibo at mahina, at madalas na pagluha, panghihina ng loob, at kawalan ng pag-asa—ay bumubuti na ngayon pagdating sa kanilang mga kondisyon habang mas marami na silang karanasan. Pagkatapos maranasang mapungusan at mabali, at maranasan ang masubok at mapino, malaki ang naging pag-unlad nila. Nabawasan ang mga negatibong kalagayan, at nagkaroon ng kaunting pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. Habang sumasailalim sa mas maraming pagsubok, unti-unting minamahal ng puso nila ang Diyos. Mayroong isang panuntunan sa pagperpekto ng Diyos sa mga tao, na kung saan binibigyang-liwanag ka Niya sa pamamagitan ng paggamit ng isang positibong bahagi mo upang magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa at maihihiwalay mo ang sarili mo mula sa lahat ng negatibong kalagayan, na tumutulong sa iyong mapalaya ang iyong espiritu, at idinidulot na magawa mong mas mahalin Siya. Sa ganitong paraan, magagawa mong iwaksi ang iyong mga satanikong tiwaling disposisyon. Kung simple at bukas ka, handang kilalanin ang sarili mo at isagawa ang katotohanan, natural na pagpapalain ka ng Diyos, at kapag ikaw ay mahina at negatibo, bibigyang-liwanag ka Niya nang doble, tinutulungan kang mas makilala ang sarili mo, maging mas handang makaramdam ng pagsisisi sa iyong puso, at mas maisasagawa ang mga bagay na dapat mong isagawa. Sa ganitong paraan lamang magiging payapa at panatag ang iyong puso. Ang isang taong karaniwang nagbibigay-pansin sa pagkilala sa Diyos, sa pagkilala sa kanyang sarili, at sa kanyang sariling pagsasagawa, ay madalas na makatatanggap ng gawain ng Diyos, maging ng Kanyang patnubay at kaliwanagan. Kahit negatibo ang kalagayan ng taong iyon, nagagawa niyang ituwid kaagad ang mga bagay-bagay, maging dulot man ito ng epekto ng konsensiya o ng kaliwanagan mula sa mga salita ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay palaging natatamo kapag nakikilala niya ang kanyang sariling aktuwal na kalagayan at ang disposisyon at gawain ng Diyos. Ang isang taong handang kilalanin ang kanyang sarili at maging bukas ay makakayang isagawa ang katotohanan. Ang ganitong klaseng tao ay isang taong tapat sa Diyos. Ang isang taong tapat sa Diyos ay may pagkaunawa tungkol sa Diyos, malalim man o mababaw ang pagkaunawang ito, kakaunti o sagana. Ito ang katuwiran ng Diyos, at isang bagay ito na natatamo ng mga tao; sarili nilang ani ito. Ang isang taong may pagkakilala sa Diyos ay isang taong may pundasyon, may pangitain. Ang ganitong klaseng tao ay nakatitiyak tungkol sa katawang-tao ng Diyos, at nakatitiyak tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos. Paano man gumagawa o nagsasalita ang Diyos, o paano man nagsasanhi ng kaguluhan ang ibang mga tao, kaya nilang manindigan, at manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Kapag lalong ganito ang isang tao, lalo niyang maisasagawa ang katotohanang kanyang nauunawaan. Dahil palagi niyang isinasagawa ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, nagtatamo siya ng higit na kauunawaan sa Diyos, at nagtataglay ng determinasyon na manindigan sa kanyang patotoo para sa Diyos magpakailanman.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 551
Ang makakilatis, makapagpasakop, at magkaroon ng kakayahang maunawaan ang mga bagay-bagay upang ikaw ay maging matalas sa espiritu ay nangangahulugan na binibigyang-liwanag at tinatanglawan ng mga salita ng Diyos ang iyong kalooban sa sandaling may maranasan kang isang bagay. Ito ay pagiging matalas sa espiritu. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay para makatulong na muling buhayin ang espiritu ng mga tao. Bakit laging sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay manhid at mapurol ang utak? Dahil ang espiritu ng mga tao ay namatay na, at naging napakamanhid na nila kaya ganap silang walang malay sa mga bagay na espirituwal. Ang gawain ng Diyos ay para palaguin ang buhay ng mga tao, tulungang mabuhay ang espiritu ng mga tao, at gawin ito para maarok nila ang mga bagay sa espiritu, pati na rin upang palagi nilang magawang mahalin ang Diyos sa kanilang puso at mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang umabot sa yugtong ito ay nagpapakita na ang espiritu ng isang tao ay binuhay nang muli, at sa susunod na maharap siya sa isang bagay, makakaya niyang tumugon kaagad. Tumutugon siya sa mga sermon, at mabilis na tumutugon sa mga sitwasyon. Ito ang kahulugan ng pagtatamo ng matalas na espiritu. Maraming taong mabilis tumugon sa nangyayari sa labas, ngunit kapag nabanggit na ang pagpasok sa realidad o mga detalyadong bagay na espirituwal, sila ay nagiging manhid at mapurol ang utak. Nauuunawaan lamang nila ang isang bagay kung ipapaliwanag sa kanila ito nang husto. Lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng pagiging espirituwal na manhid at mapurol ang utak, ng pagkakaroon ng kakaunting karanasan sa mga bagay na espirituwal. Ang ilang tao ay matalas sa espirituwal at may pagkilatis. Sa sandaling marinig nila ang mga salitang naglalantad sa kanilang mga kalagayan, hindi sila nag-aaksaya ng oras sa pagtatala ng mga ito. Kapag narinig nila ang mga salita tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, nagagawa nilang tanggapin at iangkop ang mga iyon sa susunod nilang karanasan, sa gayo’y binabago nila ang kanilang sarili. Ito ay isang taong matalas sa espiritu. Bakit nagagawa nilang tumugon nang napakabilis? Dahil nakatuon sila sa mga bagay na ito sa pang-araw-araw na buhay. Kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, nagagawa nilang tingnan ang sarili nilang kalagayan kumpara sa mga ito, at pagnilayan at kilalanin ang kanilang sarili. Kapag nakakarinig sila ng pagbabahaginan at mga sermon, at nakakarinig ng mga salitang naghahatid sa kanila ng kaliwanagan at pagtanglaw, nagagawa nilang tanggapin kaagad ang mga ito. Katulad ito ng pagbibigay ng pagkain sa isang taong gutom; nagagawa niyang kumain kaagad. Kung magbibigay ka ng pagkain sa isang taong hindi gutom, hindi siya ganoon kabilis tumugon. Madalas kang nagdarasal sa Diyos, at pagkatapos ay nagagawa mong tumugon kaagad kapag naharap ka sa isang bagay, iniisip kung ano ang hinihingi ng Diyos sa usaping ito, kung paano ka dapat kumilos, at kung paano ka ginabayan ng Diyos sa katulad na usapin noong nakaraan. Kapag naharap ka ulit sa ganitong klaseng bagay ngayon, natural lang na malalaman mo kung paano magsagawa sa paraang nakasisiya sa puso ng Diyos. Kung lagi kang magsasagawa sa ganitong paraan at lagi kang makakaranas sa ganitong paraan, darating ang oras na magiging madali na ito sa iyo. Kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos, malalaman mo kung anong uri ng tao ang tinutukoy ng Diyos, malalaman mo kung anong uri ng mga kalagayan ng espiritu ang Kanyang sinasabi, at magagawa mong maarok ang mahalagang punto at isagawa ito; sa ganitong paraan, magagawa mong dumanas. Bakit nagkukulang ang ilang tao sa bagay na ito? Dahil hindi sila gaanong nagsisikap sa aspekto ng pagsasagawa. Bagama’t handa silang isagawa ang katotohanan, wala silang tunay na kabatiran sa mga detalye ng paglilingkod, sa maliliit na katotohanan sa kanilang buhay. Nalilito sila kapag may nangyayari. Sa ganitong paraan, malalansi ka na lumihis kapag dumating ang isang bulaang propeta o isang bulaang apostol. Kailangan mong dalasan ang pagbabahaginan tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos—sa ganitong paraan mo lamang magagawang unawain ang katotohanan at magkaroon ng pagkilatis. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng pagkilatis. Halimbawa, kung ano ang sinasabi ng Diyos, kung paano gumagawa ang Diyos, kung ano ang Kanyang mga hinihingi sa mga tao, kung anong uri ng mga tao ang dapat mong makasalamuha, at kung anong uri ng mga tao ang dapat mong tanggihan—kailangan mong dalasan ang pagbabahaginan tungkol sa mga bagay na ito. Kung lagi mong dinaranas ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, mauunawaan mo ang katotohanan at lubos mong mauunawaan ang maraming bagay, at magkakaroon ka rin ng pagkilatis. Kung ano ang pagdidisiplina ng Banal na Espiritu, kung ano ang paninising nagmumula sa kalooban ng tao, kung ano ang gabay mula sa Banal na Espiritu, kung ano ang pamamatnugot ng isang kapaligiran, kung ano ang binibigyang-liwanag ng mga salita ng Diyos sa kalooban—kung hindi malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, hindi ka magkakaroon ng pagkilatis. Kung ano ang nagmumula sa Banal na Espiritu, ano ang isang mapaghimagsik na disposisyon, paano magpasakop sa mga salita ng Diyos, at paano iwaksi ang sarili mong paghihimagsik—kung magkakamit ka ng pag-unawa sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga karanasan mo, magkakaroon ka ng pundasyon; kapag may nangyari, magkakaroon ka ng angkop na katotohanan na maikukumpara dito at ng angkop na mga pangitain bilang pundasyon. Magkakaroon ka ng mga prinsipyo sa lahat ng ginagawa mo, at magagawa mong kumilos ayon sa katotohanan. Sa gayon ay mapupuspos ng kaliwanagan ng Diyos, ng mga pagpapala ng Diyos, ang iyong buhay. Hindi tatratuhin nang hindi patas ng Diyos ang sinumang tao na tapat na naghahangad sa Kanya, o isinasabuhay Siya at nagpapatotoo para sa Kanya, at hindi Niya isusumpa ang sinumang tao na tapat na nauuhaw sa katotohanan. Kung, habang ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, nakakatuon ka sa pagkakilala sa iyong sariling tunay na kalagayan, sa iyong sariling pagsasagawa, at sa iyong sariling pagkaunawa, kung gayon, kapag nakakatagpo ka ng isyu, tatanggap ka ng kaliwanagan at magtatamo ng praktikal na pagkaunawa. Sa gayon ay magkakaroon ka ng isang landas ng pagsasagawa at pagkilatis sa lahat ng bagay. Ang isang taong nagtataglay ng katotohanan ay hindi maililigaw, at hindi aasal nang mapanggambala o kikilos nang mapagmalabis. Dahil sa katotohanan, siya ay protektado, at dahil din sa katotohanan, nagtatamo siya ng higit na pagkaunawa. Dahil sa katotohanan, mas marami siyang landas ng pagsasagawa, nakakakuha ng mas maraming pagkakataong gawaan ng Banal na Espiritu, at mas maraming pagkakataong maperpekto.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 552
Mayroong mga pamantayang kailangang maabot kung ikaw ay gagawing perpekto. Sa pamamagitan ng iyong determinasyon, ng iyong pagtitiyaga, at ng iyong konsensiya, at ng iyong paghahangad, dapat ay mayroon kang karanasan pagdating sa buhay, at dapat mong matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ito ang iyong pagpasok, at ito ang mga kinakailangan sa landas ng pagpeperpekto. Ang gawain ng pagpeperpekto ay maaaring magawa sa lahat ng tao. Ang sinumang naghahangad sa Diyos ay maaaring maperpekto at mayroong pagkakataon at mga kalipikasyon na maperpekto. Hindi ito isang bagay na paunang itinakda. Ang pangunahing batayan kung mapeperpekto ba ang isang tao ay kung ano ang kanyang hinahangad. Ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at kayang isabuhay ang katotohanan ay tiyak na may kakayahang maperpekto. Ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos; sila ay hindi nagtataglay ng buhay na hinihingi ng Diyos, at hindi sila mapeperpekto. Ang gawain ng pagpeperpekto ay para lamang sa pagkakamit ng mga tao. Hindi ito bahagi ng gawain ng pakikipaglaban kay Satanas; ang gawain ng paglupig ay para lamang sa pakikipaglaban kay Satanas, na nangangahulugang paggamit ng paglupig sa tao upang talunin si Satanas. Ang gawain ng paglupig ang pangunahing gawain, ang pinakabagong gawain na hindi pa kailanman nagawa sa lahat ng kapanahunan. Maaaring sabihin na ang pangunahing layon ng yugtong ito ng gawain ay ang lupigin ang lahat ng tao nang sa gayon ay magapi si Satanas. Ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao—ito ay hindi bagong gawain. Ang pangunahing layon ng lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa panahon na gumagawa Siya sa katawang-tao ay ang paglupig ng mga tao. Ito ay gaya ng sa Kapanahunan ng Biyaya kung kailan ang pagtubos sa buong sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus ang pangunahing gawain. Ang “pagkamit sa mga tao” ay karagdagan sa gawain habang nasa katawang-tao at ginawa lamang pagkatapos ng pagpapapako sa krus. Nang pumarito si Jesus at ginawa ang Kanyang gawain, ang Kanyang pangunahing layon ay ang gamitin ang Kanyang pagkakapako sa krus upang daigin ang pagkaalipin sa kamatayan at Hades, upang daigin ang impluwensiya ni Satanas—na ibig sabihin ay talunin si Satanas. Pagkatapos lamang ng pagkapako ni Jesus sa krus na lumakad si Pedro, nang paisa-isang hakbang, sa landas ng pagpeperpekto. Siyempre kasama si Pedro sa mga sumunod kay Jesus habang gumagawa si Jesus, ngunit hindi siya ginawang perpekto sa panahong iyon. Bagkus, noong natapos na ni Jesus ang Kanyang gawain saka unti-unting naunawaan ni Pedro ang katotohanan at pagkatapos ay nagawang perpekto. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay pumaparito sa lupa para lamang tapusin ang isang pangunahin at mahalagang yugto ng gawain sa loob ng maikling panahon, hindi upang mamuhay nang matagal kasama ng mga tao sa lupa na may layunin na gawin silang perpekto. Hindi Niya ginagawa ang gawaing iyan. Hindi Siya naghihintay sa sandali kung kailan ang tao ay ganap nang naperpekto para tapusin ang Kanyang gawain. Hindi iyan ang layon at kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Pumaparito lamang Siya para gawin ang panandaliang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, hindi para gawin ang labis na pangmatagalang gawain ng pagpeperpekto sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay kumakatawan, may kakayahang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Maaari itong matapos sa loob ng maikling panahon. Ngunit ang pagpeperpekto sa sangkatauhan ay nangangailangan na gawaan ang tao sa isang tiyak na antas; ang gayong gawain ay nangangailangan ng mahabang panahon. Ito ay gawaing kailangang gawin ng Espiritu ng Diyos, ngunit ginagawa ito sa saligan ng katotohanan na sinabi sa panahon ng gawain ng Diyos habang nasa katawang-tao, o kung hindi naman ay ginagawa ito sa pamamagitan ng pagtataas Niya ng mga apostol upang gumawa ng pangmatagalang gawain ng pagpapastol—sa ganitong paraan nakakamit ang Kanyang layon na gawing perpekto ang sangkatauhan. Hindi ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang gawaing ito. Nagsasalita lamang Siya tungkol sa daan ng buhay upang makaunawa ang mga tao, at tinutustusan lamang Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, sa halip na patuloy na samahan ang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, dahil iyan ay hindi kasama sa Kanyang ministeryo. Samakatwid, hindi Niya sasamahan ang tao hanggang sa araw na ang tao ay ganap nang nauunawaan ang katotohanan at ganap nang nakakamit ang katotohanan. Ang Kanyang gawain habang nasa katawang-tao ay natatapos kapag ang tao ay pormal nang pumapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, kapag ang tao ay tumatahak na sa tamang landas ng pagiging naperpekto. Siyempre, ito rin ang panahon kung kailan lubusan na Niyang natalo si Satanas at nadaig ang mundo. Hindi Niya pinakikialaman kung ang tao ay nakapasok na ba sa wakas sa katotohanan sa sandaling iyon, at hindi rin Niya pinakikialaman kung ang buhay ng tao ay mataas o mababa. Walang anuman diyan ang dapat Niyang alalahanin habang nasa katawang-tao Siya; walang anuman diyan ang kasama sa ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa sandaling matapos Niya ang gawaing dapat Niyang gawin, tatapusin Niya ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Kaya, ang gawain na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang gawain lamang na hindi kayang gawin nang tuwiran ng Espiritu ng Diyos. Higit pa rito, ito ang maikling panahong gawain ng pagliligtas, hindi isang pangmatagalang gawain na isasakatuparan Niya sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 553
Ang gawaing ito na isinasakatuparan sa gitna ninyo ay isinasagawa sa inyo ayon sa mga kinakailangan ng gawain. Matapos ang paglupig sa mga taong ito, isang pangkat ng mga tao ang gagawing perpekto. Samakatwid, karamihan sa gawain sa kasalukuyan ay bilang paghahanda rin para sa layon na gawin kayong perpekto, dahil maraming tao na nagugutom para sa katotohanan ang magagawang maperpekto. Kung ang gawain ng paglupig ang tanging hakbang na isasakatuparan sa inyo at pagkatapos ay wala nang karagdagan pang gawain ang isasagawa, hindi ba’t ang ilang nananabik sa katotohanan ay hindi ito makakamit? Ang kasalukuyang gawain ay naglalayong magbukas ng isang landas para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Bagama’t ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig lamang, ang daan ng buhay na Aking sinasabi ay bilang paghahanda pa rin para sa pagpeperpekto sa mga tao kalaunan. Ang gawain pagkatapos ng paglupig ay nakasentro sa pagpeperpekto sa mga tao, at ang paglupig ay ginagawa upang maglatag ng pundasyon para sa gawain ng pagpeperpekto. Ang tao ay maaari lamang maperpekto matapos na malupig. Sa ngayon, ang pangunahing gawain ay ang manlupig; kalaunan, iyong mga naghahanap at nananabik sa katotohanan ay gagawing perpekto. Ang pagpeperpekto ay kinapapalooban ng mga positibong aspekto ng pagpasok ng mga tao: kung mayroon ka bang mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung gaano na karami ang iyong karanasan sa paglakad sa landas na ito, kung gaano kadalisay ang iyong pagmamahal sa Diyos, at kung gaano katumpak ang iyong pagsasagawa sa katotohanan. Upang maperpekto, ang isang tao ay dapat mayroong pundamental na kaalaman tungkol sa lahat ng aspekto ng pagkatao. Ito ay batayang kinakailangan. Ang lahat ng hindi mapeperpekto matapos na malupig ay nagiging gamit-panserbisyo at sa kahuli-hulihan ay itatapon pa rin sa lawa ng apoy at asupre at mahuhulog pa rin sa walang hanggang hukay, dahil ang iyong disposisyon ay hindi nabago at ikaw ay kay Satanas pa rin. Kung ang isang tao ay hindi natugunan ang mga kondisyon para sa pagpeperpekto, siya ay walang silbi—siya ay basura, isang kagamitan, isang bagay na hindi makakatagal sa pagsubok ng apoy! Gaano kalaki ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa ngayon? Gaano kalaki ang pusong namumuhi sa iyong sarili? Gaano kalalim mo talaga kilala si Satanas? Napagtibay na ba ninyo ang inyong determinasyon? Mayroon bang kaayusan sa paraan ninyo ng pamumuhay sa loob ng inyong pagkatao? Nagbago na ba ang inyong buhay? Namumuhay ba kayo ng isang bagong buhay? Nagbago na ba ang pananaw ninyo sa buhay? Kung hindi nagbago ang mga bagay na ito, hindi ka mapeperpekto kahit pa hindi ka umatras; bagkus, ikaw ay nalupig lamang. Kapag panahon na para subukin ka, hindi mo tataglayin ang katotohanan, hindi magiging normal ang iyong pagkatao, at magiging kasingbaba ka ng isang hayop. Ang tanging nakamit mo ay ang maging nalupig lamang—ikaw ay magiging isa lamang target na nalupig Ko. Gaya ng isang asno na sa sandaling makaranas ng palo ng amo nito ay nagiging matatakutin at natatakot na magwala sa tuwing nakikita ang amo nito, ikaw ay magiging isang nalupig na asno lamang. Kung ang isang tao ay wala ng mga positibong aspektong iyon at sa halip ay negatibo at takot, mahiyain at may alinlangan sa lahat ng bagay, hindi kayang malinaw na makita ang anuman, hindi kayang arukin ang katotohanan, wala pa ring landas para sa pagsasagawa, at higit pa roon ay walang mapagmahal-sa-Diyos na puso—kung ang isang tao ay walang pagkaunawa kung paano mahalin ang Diyos, kung paano mamuhay ng makabuluhang buhay, o kung paano maging isang tunay na tao—paano makapagpapatotoo sa Diyos ang taong tulad nito? Ipapakita nito na ang iyong buhay ay maliit ang halaga at ikaw ay isa lamang nalupig na asno. Ikaw ay malulupig, ngunit mangangahulugan lamang iyon na ikaw ay naghimagsik laban sa malaking pulang dragon at tumangging magpasakop sa kapangyarihan nito; mangangahulugan ito na naniniwala ka na mayroong Diyos, nais mong magpasakop sa lahat ng mga pagsasaayos ng Diyos, at wala kang mga hinaing. Ngunit pagdating sa mga positibong aspekto, kaya mo bang isabuhay ang salita ng Diyos at ipamalas ang Diyos? Kung wala ka ng anuman sa mga aspektong ito, nangangahulugan ito na ikaw ay hindi nakamit ng Diyos, at ikaw ay isang nalupig na asno lamang. Walang anumang kanais-nais sa iyo, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa sa kalooban mo. Ang iyong pagkatao ay kulang na kulang; imposible para sa Diyos na gamitin ka. Kailangan kang maituring na karapat-dapat ng Diyos at maging isandaang beses na mas mabuti kaysa sa mga di-nananampalatayang hayop at naglalakad na patay—ang mga nakakaabot lamang sa antas na ito ang marapat na maperpekto. Tanging sa pagkakaroon lamang ng pagkatao at konsensiya magiging angkop na gamitin ng Diyos ang isang tao. Maituturing lamang kayo na isang tao kung kayo ay naperpekto na. Tanging ang mga taong naperpekto na ang namumuhay ng makabuluhang mga buhay. Tanging ang mga taong tulad nito ang mas matunog na makapagpapatotoo sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 554
Ano ang landas kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Anong mga aspekto ang kasama nito? Handa ka bang gawing perpekto ng Diyos? Handa ka bang tanggapin ang paghatol at pagkastigo Niya? Ano ang nalalaman mo sa mga katanungang ito? Kung wala kang kaalamang maipahahayag, patunay itong hindi mo pa rin alam ang gawain ng Diyos, na hindi ka pa niliwanagan ng Banal na Espiritu. Imposibleng gawing perpekto ang ganitong mga tao. Binibigyan lamang sila ng kaunting biyaya upang panandaliang matamasa, at hindi ito magtatagal. Hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao kung nagtatamasa lamang sila ng Kanyang biyaya. Kontento ang ilan kapag may kapayapaan at kasiyahan ang laman nila, kapag madali at walang kagipitan o kasawian ang buhay nila, kapag namumuhay ang buong pamilya nila nang nagkakaisa, nang walang pagtatalo o sigalot—at maaari pang paniwalaan nilang tanging ito ang pagpapala ng Diyos. Sa katunayan, biyaya lamang ito ng Diyos. Hindi kayo dapat makontento sa pagtamasa lamang ng biyaya ng Diyos. Masyadong bulgar ang ganitong pag-iisip. Kahit na araw-araw mong binabasa ang mga salita ng Diyos, at araw-araw kang nananalangin, at nakararamdam ang espiritu mo ng labis na kasiyahan at talagang payapa, kung sa huli ay wala kang masasabi tungkol sa pagkakilala mo sa Diyos at sa gawain Niya, at walang naranasan, at kahit na gaano man karaming salita ng Diyos ang nakain at nainom mo na, kung espirituwal na kapayapaan at kasiyahan lamang ang nararamdaman mo, at na matamis na walang kaparis ang salita ng Diyos, na para bang hindi ka nagsasawa rito, ngunit wala kang kahit na ano pa mang praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos at ganap na salat sa realidad ng mga salita Niya, ano ang makakamit mo mula sa ganitong pananalig sa Diyos? Kung hindi mo kayang isabuhay ang diwa ng mga salita ng Diyos, ang pagkain at pag-inom mo ng mga salitang ito at ang mga panalangin mo ay walang iba kundi relihiyosong paniniwala. Hindi magagawang perpekto at hindi makakamit ng Diyos ang ganitong mga tao. Ang mga taong nakakamit ng Diyos ay yaong mga taong naghahangad sa katotohanan. Ang nakakamit ng Diyos ay hindi ang laman ng tao, hindi ang mga bagay na pagmamay-ari niya, kundi ang bahagi ng loob niya na pagmamay-ari ng Diyos. Kaya naman, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, hindi ang laman nila ang ginagawa Niyang perpekto, kundi ang mga puso nila, na hinahayaang makamit ng Diyos ang mga puso nila; na ang ibig sabihin, ang pagpeperpekto ng Diyos sa tao, sa diwa, ay ang pagpeperpekto ng Diyos sa puso ng tao upang makabaling ang pusong ito sa Diyos at upang mahalin Siya nito.
Ang katawan ng tao ay laman at dugo. Walang silbi para sa Diyos ang pagkamit sa laman ng tao, sapagkat ang laman ng tao ay isang bagay na hindi maiiwasang mabulok at hindi makatatanggap ng Kanyang pamana o hindi magmamana ng mga pagpapala Niya. Kung makakamtan ang laman ng tao, at ang laman ng tao lamang ang nasa daloy na ito, bagaman sa turing ay nasa daloy ang tao, ang puso niya ay magiging pag-aari ni Satanas. Yamang ganito, hindi lamang hindi magagawa ng mga tao na maging pagpapamalas ng Diyos, kundi sila ay magiging pasanin din Niya, at ang pagpili ng Diyos ng mga tao sa gayon ay magiging walang katuturan. Yaong mga nilalayon na gawing perpekto ng Diyos ay pawang magmamana ng mga pagpapala Niya at tatanggap ng pamana Niya. Ibig sabihin, tinatanggap nila kung ano ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos upang ito ay maging kung ano ang nasa kalooban nila; pinapanday sa loob nila ang lahat ng salita ng Diyos; at anuman ang Diyos, nagagawa nilang tanggapin ang lahat ng ito nang eksakto. Sa ganitong paraan, isinasabuhay nila ang katotohanan. Ito ang uri ng taong ginagawang perpekto ng Diyos at nakakamit ng Diyos. Ang ganitong tao lamang ang kalipikadong magmana ng mga pagpapalang ipinagkakaloob ng Diyos:
1. Pagkakamit ng kabuuan ng pagmamahal ng Diyos.
2. Pagkilos alinsunod sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay.
3. Pagkakamit ng gabay ng Diyos, pamumuhay sa pagtanglaw ng Diyos, at pagkakamit ng kaliwanagan ng Diyos.
4. Pagsasabuhay sa lupa ng wangis na mahal ng Diyos; pagiging katulad ni Pedro, na nagmahal sa Diyos nang tunay, na ipinako sa krus para sa Diyos at karapat-dapat na mamatay para suklian ang pagmamahal ng Diyos; pagkakaroon ng kaparehong kaluwalhatian gaya ni Pedro.
5. Pagiging minamahal, iginagalang, at hinahangaan ng lahat ng tao sa lupa.
6. Pananaig sa lahat ng aspekto ng pagkagapos sa kamatayan at Hades, hindi pagbibigay ng pagkakataong gawin ni Satanas ang gawain nito, pagiging pag-aari ng Diyos, pamumuhay sa loob ng isang sariwa at masiglang espiritu, at hindi pagkaramdam ng pagsasawa.
7. Pagkakaroon ng di-mailarawang pagkaramdam ng tuwa at kasabikan sa lahat ng oras sa buong buhay, na para bang napagmasdan ang pagdating ng araw ng kaluwalhatian ng Diyos.
8. Pagkakamit ng kaluwalhatian kasama ng Diyos at pagkakaroon ng isang anyong kahawig ng mga banal na minamahal ng Diyos.
9. Pagiging yaong minamahal ng Diyos sa lupa, iyon ay, isang sinisintang anak ng Diyos.
10. Pagbabagong-anyo at pag-akyat sa ikatlong langit kasama ang Diyos at paglampas sa laman.
Tanging ang mga tao lamang na maaaring magmana ng mga pagpapala ng Diyos ang ginagawang perpekto at nakakamit ng Diyos. May nakamit ka na bang kahit ano sa kasalukuyan? Hanggang saan ka ginawang perpekto ng Diyos? Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang tao nang basta-basta; may kondisyon ang pagpeperpekto Niya sa tao, at may malinaw at makikitang mga bunga. Hindi ito, tulad ng iniisip ng tao, na basta’t may pananalig siya sa Diyos, magagawa siyang perpekto at makakamit ng Diyos, at sa lupa, kaya niyang manahin ang mga pagpapala at matanggap ang pamana ng Diyos. Lubhang napakahirap ang ganitong mga bagay—lalo na ang pagbabago sa anyo ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang pangunahing dapat ninyong hangarin ay ang magawang perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at magawang perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng lahat ng tao, pangyayari, at bagay na hinaharap ninyo, at higit na pagkikintal Niya sa inyo ng kung ano ang Diyos. Kailangan muna ninyong tanggapin ang pamana ng Diyos sa lupa; saka lamang kayo magiging karapat-dapat na magmana ng mas marami, at higit pang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga ito ang lahat ng bagay na dapat ninyong hangarin, at na dapat muna ninyong unawain bago ang lahat. Kapag mas hinahangad ninyong magawang perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, mas magagawa ninyong makita ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay, at bunga nito ay, sa pamamagitan ng iba’t ibang pananaw at sa iba’t ibang usapin, aktibo ninyong hahangarin na makapasok sa kung ano ang salita ng Diyos at makapasok sa realidad ng salita Niya. Hindi kayo maaaring masiyahan sa mga negatibong kalagayan gaya ng hindi lang paggawa ng kasalanan, o walang mga kuru-kuro, walang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at walang pantaong kalooban. Ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa napakaraming paraan; may posibilidad na magawa kang perpekto sa lahat ng usapin, at magagawa ka Niyang perpekto hindi lamang sa positibong mga aspekto kundi pati sa negatibong mga aspekto, upang gawing mas masagana ang makakamit mo. Bawat isang araw ay may mga pagkakataong magawang perpekto at mga okasyong makakamtan ng Diyos. Matapos maranasan ang ganito sa loob ng ilang panahon, lubos kang mababago, at likas na makikita mo nang malinaw ang maraming bagay na dati ay hindi mo nauunawaan. Hindi na kakailanganin ang tagubilin mula sa iba; lingid sa kaalaman mo, liliwanagan ka ng Diyos, upang makatanggap ka ng kaliwanagan sa lahat ng bagay at makapasok sa lahat ng detalye ng mga karanasan mo. Tiyak na gagabayan ka ng Diyos upang hindi ka gumawi sa kaliwa o sa kanan, at sa gayon ay tatapak ka sa landas ng pagpeperpekto Niya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Naperpekto
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 555
Ang magawang perpekto ng Diyos ay hindi maaaring limitahan sa pagiging perpekto sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos. Ang pagdanas sa mga bagay sa ganitong paraan ay magiging masyadong isang panig lang, masyadong kaunti ang magiging kasama rito, at maaari lamang nitong higpitan ang mga tao sa isang napakaliit na saklaw. Yamang ganito, labis na magkukulang ang mga tao sa espirituwal na pampalusog na kinakailangan nila. Kung nais ninyong gawing perpekto ng Diyos, dapat ninyong matutuhan kung paano danasin ang lahat ng bagay, at makamit ang kaliwanagan sa lahat ng nangyayari sa inyo. Mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat magawa mong tingnan ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao. (Ito ay magiging isang paglihis sa karanasan mo.) Kung daranasin mo ang mga bagay sa ganitong paraan, mapupuno ang puso mo ng mga pasanin ng buhay mo; palagi kang mamumuhay sa liwanag ng mukha ng Diyos, at malamang na hindi ka magkakaroon ng mga paglihis sa pagsasagawa mo. May magandang kinabukasan ang ganitong mga tao sa hinaharap. Mayroong napakaraming pagkakataong magawang perpekto ng Diyos. Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung kayo ay mga taong tunay na nagmamahal sa Diyos at kung taglay ninyo ang kapasyahang gawing perpekto ng Diyos, makamit ng Diyos, at magmana ng mga pagpapala at tumanggap ng pamana Niya. Hindi sapat ang kapasyahan lamang; dapat mayroon kayong maraming kaalaman, kung hindi, palagi kayong magkakaroon ng mga paglihis sa pagsasagawa ninyo. Handa ang Diyos na gawing perpekto ang bawat isa sa inyo. Sa kasalukuyan, bagama’t napakatagal nang tinanggap ng karamihan ng tao ang gawain ng Diyos, nilimitahan nila ang mga sarili nila sa pagtatamasa lamang sa biyaya ng Diyos, at handa lamang na hayaan ang Diyos na bigyan sila ng kaunting ginhawa ng laman, subalit ayaw nilang tumanggap ng mas marami, at mas matataas na paghahayag. Ipinapakita nitong palagi pa ring nasa labas ang puso ng tao. Bagama’t ang gawain ng tao, ang paglilingkod niya, at ang kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso ay may mas kaunting karumihan, kung ang panloob na diwa niya at ang paurong na pag-iisip niya ang pag-uusapan, palagi pa ring hinahangad ng tao ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, at walang pakialam sa kung anu-ano ang mga kondisyon at mga layunin ng Diyos para sa pagpeperpekto sa tao. Kaya naman, bulgar at nabubulok pa rin ang buhay ng karamihan ng tao. Hindi nagbago kahit katiting ang mga buhay nila; sadyang hindi nila itinuturing na isang mahalagang bagay ang pananalig sa Diyos, na para bang may pananalig lamang sila alang-alang sa iba, wala sa loob ang kanilang ginagawa, ginagawa lang ang pinakamababang kailangan, at pinatatagal nila ang isang kahiya-hiyang pag-iral. Kakaunti lamang yaong mga nagagawang maghangad na makapasok sa salita ng Diyos sa lahat ng bagay, na nagkakamit ng mas higit at mas masasaganang bagay, nagiging mga taong may mas higit na kayamanan sa sambahayan ng Diyos ngayon, at tumatanggap ng mas higit pang mga pagpapala ng Diyos. Kung hinahangad mong magawang perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagagawang manahin ang ipinangako ng Diyos sa lupa, kung hinahangad mong maliwanagan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi hinahayaang lumipas ang mga taon nang nakatunganga, ito ang pinakamainam na landas na aktibong mapapasok. Sa ganitong paraan ka lamang magiging kalipikado at karapat-dapat na gawing perpekto ng Diyos. Tunay ka bang naghahangad na gawing perpekto ng Diyos? Tunay ka bang taimtim sa lahat ng bagay? Mayroon ka bang kaparehong espiritu ng pagmamahal para sa Diyos tulad ng kay Pedro? Mayroon ka bang determinasyong mahalin ang Diyos tulad ng kay Jesus? Nananalig ka na kay Jesus sa loob ng maraming taon; nakita mo na ba kung paanong minahal ni Jesus ang Diyos? Tunay bang si Jesus ang sinasampalatayanan mo? Nananampalataya ka sa praktikal na Diyos ng ngayon; nakita mo na ba kung paanong minamahal ng praktikal na Diyos sa katawang-tao ang Diyos na nasa langit? Mayroon kang pananalig sa Panginoong Jesucristo; iyon ay dahil sa ang pagkakapako ni Jesus sa krus alang-alang sa pagtubos sa sangkatauhan at ang mga himalang ginawa Niya ay pangkalahatang tinatanggap na mga katunayan. Subalit hindi nagmumula sa kaalaman at tunay na pagkaunawa kay Jesucristo ang pananalig ng tao. Nananampalataya ka lamang sa pangalan ni Jesus, ngunit hindi ka nananampalataya sa Espiritu Niya, sapagkat hindi ka nagbibigay ng anumang pansin sa kung paanong minahal ni Jesus ang Diyos. Masyadong walang muwang ang pananalig mo sa Diyos. Sa kabila ng pananampalataya kay Jesus sa loob ng maraming taon, hindi mo alam kung paanong mahalin ang Diyos. Hindi ka ba nito ginagawang ang pinakamalaking hangal sa mundo? Patunay itong sa loob ng maraming taon, kinakain mo ang “pagkain ng Panginoong Jesucristo” nang walang katuturan. Hindi Ko lamang inaayawan ang ganitong mga tao, nagtitiwala Akong ang Panginoong Jesucristo—na binibigyang pitagan mo—ay aayawan din sila. Paano mapeperpekto ang mga taong ganito? Hindi ka ba namumula sa kahihiyan? Hindi ka ba nahihiya? Mayroon ka pa bang lakas ng loob na harapin ang iyong Panginoong Jesucristo? Nauunawaan ba ninyong lahat ang kahulugan ng sinabi Ko?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Naperpekto