Pagpasok sa Buhay IV

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 483

Bakit ka mismo nananampalataya sa Diyos? Karamihan ng tao ay magulo pa rin ang isip sa tanong na ito. Palagi silang mayroong dalawang lubos na magkaibang pananaw tungkol sa praktikal na Diyos at sa Diyos na nasa langit, na nagpapakitang naniniwala sila sa Diyos hindi para magpasakop sa Kanya, kundi para makatanggap ng ilang mga pakinabang, o para makatakas sa pagdurusa na dala ng sakuna; saka lamang sila medyo mapagpasakop. May pasubali ang pagpapasakop nila—ang kanilang personal na kinabukasan ang paunang kondisyon ng kanilang pagpapasakop; nagpapasakop sila dahil wala silang ibang pagpipilian. Kaya, bakit ka nga ba nananampalataya sa Diyos? Kung dahil lamang ito sa kapakanan ng kinabukasan at kapalaran mo, mas makabubuti pang huwag ka nang manampalataya sa Kanya. Ang ganitong pananampalataya ay panlilinlang sa sarili, pagpapanatag sa sarili, at paghanga sa sarili. Kung hindi itinayo ang pananalig mo sa pundasyon ng pagpapasakop sa Diyos, parurusahan ka sa huli sa pagsalungat sa Kanya. Lahat yaong mga hindi naghahangad ng pagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila ay mga taong sumasalungat sa Diyos. Hinihiling ng Diyos na hanapin ng mga tao ang katotohanan, na mauhaw sila sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, lahat ito ay upang makamit nila ang pagpapasakop sa Diyos. Kung iyon ang tunay mong intensiyon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang intensiyon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—maging ang mga panalangin mo sa harap ng Diyos, at higit pa nga rito, ang bawat kilos mo—ay magiging pagsalungat sa Kanya. Kahit na ang mga salita mo ay malumanay at ikaw ay banayad, kahit na ang bawat kilos at pagpapahayag mo ay tila wasto para sa iba, na para bang isa kang mapagpasakop na tao, pagdating sa mga intensiyon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananalig sa Diyos, ang bawat kilos mo ay tutol sa Diyos, ito ay paggawa ng kasamaan. Ang mga taong lumilitaw bilang masusunurin tulad ng mga tupa, ngunit nagkikimkim ang mga puso ng masasamang intensiyon, ay mga lobong nakadamit ng pang-tupa. Tuwiran silang sumasalungat sa Diyos, at hindi ititira ng Diyos ang kahit isa sa kanila. Ibubunyag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila at ipapakita sa lahat na yaong mga mapagkunwari ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mag-alala: Hahatulan at lilipulin ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunud-sunod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 484

Kung hindi mo nagagawang tanggapin ang bagong liwanag mula sa Diyos, at hindi nauunawaan ang lahat ng ginagawa ng Diyos ngayon at hindi mo ito hinahangad, o bagkus pinagdududahan mo ito, hinahatulan ito, o masusing sinisiyasat at sinusuri ito, wala kang pagnanais na magpasakop sa Diyos. Kung kapag nagpapakita ang liwanag ng dito at ngayon, ay pinahahalagahan mo pa rin ang liwanag ng kahapon at sumasalungat sa bagong gawain ng Diyos, ikaw ay walang iba kundi isang kakatuwa—isa ka sa yaong mga sinasadyang sumalungat sa Diyos. Ang susi sa pagpapasakop sa Diyos ay ang pagtanggap sa bagong liwanag, at ang magawang tanggapin ito at isagawa ito. Ito ang nag-iisang tunay na pagpapasakop. Yaong mga salat sa kaloobang manabik sa Diyos ay walang kakayahang sadyang magpasakop sa Kanya, at maaari lamang sumalungat sa Diyos bilang kinalabasan ng kasiyahan nila sa kasalukuyang kalagayan. Hindi kayang magpasakop ng tao sa Diyos dahil sinapian siya ng dumating na dati. Ang mga bagay na dumating na dati ay nagluwal ng kung ano-anong uri ng mga kuru-kuro at iba’t ibang imahinasyon tungkol sa Diyos sa mga tao, at ang mga ito ang naging wangis ng Diyos sa mga isip nila. Sa gayon, ang pinaniniwalaan nila ay ang sarili nilang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili nilang guni-guni. Kung ikukumpara mo ang Diyos na gumagawa ng praktikal na gawain ngayon sa Diyos ng sarili mong guni-guni, nagmumula kay Satanas ang pananalig mo, at nadungisan ng mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananalig. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man kalaki ang kanilang dedikasyon—kahit na naglaan na sila ng habambuhay na pagsisikap sa gawain Niya, at ginawang martir ang mga sarili nila—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananalig. Pinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang maliit na biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob nila, at isa-isang ititiwalag ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi nagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila at mayroong mga maling intensiyon ay yaong mga sumasalungat at gumagambala, at walang alinlangang ititiwalag ng Diyos ang ganitong mga tao. Yaong mga taong wala ni katiting na pagpapasakop sa Diyos, na kinikilala lamang ang pangalan Niya, at mayroong kaunting muwang sa kabutihan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, subalit hindi sumasabay sa mga hakbang ng Banal na Espiritu, at hindi nagpapasakop sa kasalukuyang gawain at mga salita ng Banal na Espiritu—namumuhay ang ganitong mga tao sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi Niya kakamtin o gagawing perpekto. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapasakop nila, sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagtamasa nila sa mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino sa mga buhay nila. Tanging sa pamamagitan ng ganitong pananalig maaaring magbago ang mga disposisyon ng mga tao, at saka lamang nila maaaring taglayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagiging hindi nalulugod sa pamumuhay sa gitna ng biyaya ng Diyos, ang aktibong pananabik at paghahanap sa katotohanan, at paghahangad na makamit ng Diyos—ito ang kahulugan ng sadyang pagpapasakop sa Diyos at ito ang mismong uri ng pananalig na nais Niya. Ang mga taong walang ibang ginagawa kundi tamasahin ang biyaya ng Diyos ay hindi maaaring gawing perpekto o mabago, at paimbabaw lahat ang pagpapasakop, pagkamaka-Diyos, pagmamahal, at pagtitiis nila. Hindi magagawang tunay na makilala ang Diyos ng yaong mga nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos, at kahit makilala nila ang Diyos, paimbabaw lamang ang kaalaman nila, at sinasabi nila ang mga bagay na tulad ng “mahal ng Diyos ang tao,” o “mahabagin ang Diyos sa tao.” Hindi nito kinakatawan ang buhay ng tao, at hindi ipinapakitang tunay na nakikilala ng mga tao ang Diyos. Kung kapag pinipino sila ng mga salita ng Diyos, o dumarating sa kanila ang mga pagsubok Niya, ay hindi nagagawang magpasakop ng mga tao sa Diyos—kung, sa halip, ay nagiging mapagduda sila, at bumabagsak—hindi sila mapagpasakop ni katiting. Sa loob nila, maraming patakaran at paghihigpit tungkol sa pananalig sa Diyos, mga lumang karanasang bunga ng maraming taon ng pananalig, o ng iba’t ibang patakarang nakabatay sa Bibliya. Kaya bang magpasakop sa Diyos ng ganitong mga tao? Puspos ang mga taong ito ng mga pantaong bagay—paano sila makapagpapasakop sa Diyos? Ang “pagpapasakop” nila ay ayon sa pansarili nilang kagustuhan—nanaisin ba ng Diyos ang pagpapasakop na tulad nito? Hindi ito pagpapasakop sa Diyos, kundi pagkapit sa mga patakaran; ito ay pagpapalugod at pagpapahinahon sa kanilang mga sarili. Kung sinasabi mong pagpapasakop ito sa Diyos, hindi ka ba lumalapastangan laban sa Kanya? Isa kang Ehiptong Faraon. Gumagawa ka ng kasamaan, at malinaw na nakikibahagi ka sa gawain ng pagsalungat sa Diyos—ganito ka ba nais maglingkod ng Diyos? Mas makabubuting magmadali ka sa pagsisisi, at subukang magkamit ng kaunting kamalayan sa sarili. Kung mabibigo ka rito, mas mainam na umuwi ka na lamang; mas makabubuti iyon sa iyo kaysa sa ipinahahayag mong paglilingkod sa Diyos. Hindi ka manggagambala at manggugulo; mababatid mo ang lugar mo, at mamumuhay nang maayos—hindi ba mas mainam iyon? At hindi ka maparurusahan sa pagsalungat sa Diyos!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananampalataya Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 485

Nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu araw-araw. Mas tumataas ito sa bawat hakbang, ang pahayag ng bukas ay mas mataas kaysa sa ngayon, umaakyat nang mas mataas sa bawat hakbang. Ganito ang gawain ng pagperpekto ng Diyos sa tao. Kung hindi makasasabay ang mga tao, maaari silang itiwalag anumang oras. Kung wala silang puso ng pagpapasakop, hindi sila makasusunod hanggang sa pinakahuli. Nakalipas na ang dating kapanahunan; ito ay isang bagong kapanahunan. At sa isang bagong kapanahunan, isang bagong gawain ang dapat isakatuparan. Lalung-lalo na sa huling kapanahunan kung saan ay gagawing perpekto ang tao, magsasagawa ang Diyos ng mas bagong gawain, nang mas mabilis, kaya kung ang mga tao ay hindi sadyang magpapasakop, mahihirapan silang sumunod sa mga yapak ng Diyos. Hindi sumusunod ang Diyos sa anumang mga regulasyon, at hindi rin Niya itinuturing na walang-hanggang hindi nagbabago ang anumang yugto ng gawain Niya. Sa halip, palagi Siyang gumagawa ng gawaing mas bago pa at mas mataas pa. Sa bawat yugto, nagiging higit na praktikal ang gawain Niya, at lalong umaayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng tao. Sa pamamagitan lang ng pagdanas sa gayong gawain matatamo ng mga tao ang huling pagpapabago ng disposisyon nila. Ang kaalaman ng tao sa buhay ay umaabot sa mas mataas pang mga antas, at kaya, gayundin, ang gawain ng Diyos ay umaabot sa mas mataas pang mga antas. Sa gayon lamang magagawang perpekto ang tao at magiging marapat na magamit ng Diyos. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan sa isang banda upang pabulaanan at baligtarin ang mga kuru-kuro ng tao, at sa kabilang banda naman ay upang akayin ang tao tungo sa isang mas mataas at mas makatotohanang kalagayan, tungo sa pinakamataas na dako ng pananampalataya sa Diyos, upang sa huli, matutupad ang kalooban ng Diyos. Lahat ng mga may mapaghimagsik na kalikasan na sinasadyang sumalungat ay ititiwalag ng yugtong ito ng matulin at malakas na pagsulong na gawain ng Diyos; tanging ang mga sadyang nagpapasakop at handang magpakumbaba ng sarili ang makasusulong hanggang sa katapusan ng daan. Sa ganitong uri ng gawain, dapat matuto kayong lahat kung paano magpasakop at kung paano isantabi ang mga kuru-kuro ninyo. Dapat kayong maging maingat sa bawat hakbang na gagawin mo. Kung pabaya kayo, tiyak na tatanggihan kayo nang may paghamak ng Banal na Espiritu, magiging nakagagambala sa gawain ng Diyos. Bago sumailalim sa yugtong ito ng gawain, ang dating mga regulasyon at batas ng tao ay sobrang napakarami hanggang sa nadala siya, at bilang resulta, naging palalo siya at nakalimutan ang sarili niya. Mga balakid ang lahat ng ito na pumipigil sa tao na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos; sila ang mga kaaway ng kaalaman ng tao sa Diyos. Mapanganib para sa mga tao ang hindi magkaroon ng pagpapasakop sa mga puso nila o ng pananabik para sa katotohanan. Kung nagpapasakop ka lamang sa gawain at sa mga salitang payak, at walang kakayahang tumanggap ng anumang mas malalim, kung gayon ikaw ay kumakapit sa mga lumang pamamaraan at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 486

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay nag-iiba sa bawat kapanahunan. Kung magpapasakop ka nang maayos sa gawain ng Diyos sa isang yugto, ngunit sa susunod na yugto ang pagpapasakop mo sa gawain Niya ay salat, o wala kang kakayahang magpasakop, kung gayon ay lilisanin ka ng Diyos. Nakakasabay ka sa Diyos habang ginagawa Niya ang hakbang na ito, at dapat kang magpatuloy na sumabay kapag sumulong Siya sa susunod; saka ka lamang magiging isang taong mapagpasakop sa Banal na Espiritu. Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat na manatili kang hindi nagbabago sa pagpapasakop mo. Hindi maaaring magpapasakop ka lamang kapag gusto mo at hindi magpapasakop kapag ayaw mo. Ang ganitong uri ng pagpapasakop ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Kung hindi ka makasasabay sa bagong gawaing ibinabahagi Ko, at patuloy na nakahawak sa mga dating kasabihan, paano magkakaroon ng pag-unlad sa buhay mo? Ang gawain ng Diyos ay ang tustusan ka sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Kapag nagpapasakop at tinatanggap mo ang mga salita Niya, tiyak na gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Banal na Espiritu nang eksakto sa sinasabi Ko; gawin ang sinabi Ko, at ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Naglalabas Ako ng bagong ilaw upang mapagmasdan ninyo, na dadalhin kayo sa liwanag ng kasalukuyan, at kapag lumakad ka sa loob ng ilaw na ito, ang Banal na Espiritu ay kaagad na gagawa sa iyo. Mayroong ilang maaaring matigas ang ulo, sinasabing, “Basta hindi ko isasagawa ang sinasabi Mo.” Kung gayon, sinasabi Ko sa iyo na nakarating ka na ngayon sa katapusan; ikaw ay natuyo at wala nang buhay. Samakatwid, sa pagdanas ng pagbabago ng disposisyon mo, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa ang pagsabay sa kasalukuyang ilaw. Ang Banal na Espiritu ay hindi lamang gumagawa sa ilang taong ginagamit ng Diyos, kundi, higit pa rito, sa iglesia. Maaaring gumagawa Siya sa sinuman. Maaaring gumagawa Siya sa iyo sa kasalukuyang oras, at mararanasan mo ang gawaing ito. Sa susunod na yugto, maaari Siyang gumawa sa ibang tao, kung gayon dapat kang magmadaling makasunod; kapag mas malapit mong sinusundan ang kasalukuyang ilaw, higit na lalago ang buhay mo. Kahit na ano pang uri ang isang tao, kung gumagawa sa kanya ang Banal na Espiritu, dapat kang sumunod. Gamitin mo ang mga karanasan niya sa sarili mo sa isang praktikal na paraan, at tatanggap ka ng mas higit pang mga bagay. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagsasagawa, mas mabilis kang uunlad. Ito ang landas ng pagkaperpekto para sa tao at isang paraan kung saan lalago ang buhay. Ang landas ng pagiging perpekto ay naaabot sa pamamagitan ng pagpapasakop mo sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi mo alam kung sa pamamagitan ng anong uri ng tao gagawa ang Diyos upang gawin kang perpekto, o sa pamamagitan ng anong tao, pangyayari, o bagay ka Niya hahayaang makamit o makita ang mga bagay. Kung makatatapak ka sa tamang landas na ito, ipinakikita nito na mayroong malaking pag-asang magawa kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo magagawa, ipinakikita nitong malungkot at walang liwanag ang kinabukasan mo. Kapag nagsimula ka sa tamang landas, makakamit mo ang pahayag sa lahat ng bagay. Kahit na ano pa man ang ibinubunyag ng Banal na Espiritu sa iba, kung magpapatuloy ka batay sa kaalaman nila para maranasan ang mga bagay sa sarili mo, kung gayon ay magiging bahagi ito ng buhay mo, at magagawa mong tustusan ang iba mula sa karanasang ito. Ang mga nagtutustos sa iba sa pamamagitan ng paggaya sa mga salita ay mga taong hindi pa nagkakaroon ng anumang mga karanasan; dapat mong matutunang humanap, sa pamamagitan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng iba, isang paraan ng pagsasagawa bago ka magsimulang magsalita tungkol sa sarili mong aktuwal na karanasan at kaalaman. Ito ay may higit na pakinabang sa sarili mong buhay. Dapat mong maranasan ang ganito, na nagpapasakop sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Dapat mong hangarin ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng mga bagay at matutunan ang mga aral sa lahat ng bagay, nang lumago ang buhay mo. Ang ganitong pagsasagawa ay nagbibigay ng pinakamabilis na pag-unlad.

Nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng aktuwal mong mga karanasan, at ginagawa kang perpekto sa pamamagitan ng pananampalataya mo. Tunay bang handa kang gawing perpekto? Kung talagang handa kang gawing perpekto ng Diyos, magkakaroon ka ng lakas ng loob na talikuran ang laman mo, at maisasagawa mo ang mga salita ng Diyos, at hindi ka magiging negatibo o mahina. Magagawa mong magpasakop ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at magagawa mong iprisinta ang lahat ng kilos mo—ginagawa man ang mga ito sa harap ng iba o kapag nakatalikod ng mga ito—sa Diyos. Kung kumikilos ka bilang isang matapat na tao, at isinasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay, kung gayon ay magiging isa kang taong gagawing perpekto. Ang mga mapanlinlang na mga taong kumikilos sa isang paraan sa harap ng iba at sa ibang paraan sa likuran nila ay hindi handang magawang perpekto. Lahat sila ay mga anak ng perdisyon at pagkawasak; sila ay kay Satanas, at hindi sila hinirang ng Diyos. Hindi hinihirang ng Diyos ang gayong mga tao! Kung ang mga kilos at pag-uugali mo ay hindi maihaharap sa Diyos o masisiyasat ng Espiritu ng Diyos, patunay itong mayroong mali sa iyo. Magagawa mo lamang na tumapak sa landas ng pagiging perpekto kung tinatanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at tinututukan ang pagbabago ng disposisyon mo. Kung tunay na handa kang maperpekto ng Diyos at sumunod sa kalooban ng Diyos, kung gayon ay dapat kang magpasakop sa lahat ng gawain ng Diyos, nang walang kahit isang salita ng pagdaing, nang walang ginagawang basta-bastang paghusga o kongklusyon tungkol sa gawain ng Diyos. Ito ang pinakamabababang hinihingi para maperpekto ng Diyos. Ang mahalagang hinihingi sa mga naghahangad na maperpekto ng Diyos ay ito: Kumilos nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso sa lahat ng mga bagay. Ano ang kahulugan ng kumilos nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso? Ibig sabihin nito ay ang lahat ng mga kilos at pag-uugali mo ay maihaharap sa Diyos. At sapagkat mayroon kang mga tamang layunin, tama man o mali ang mga kilos mo, hindi ka natatakot na ipakita ang mga ito sa Diyos o sa mga lalaki at mga babaeng kapatid mo, at nangangahas kang sumumpa sa harap ng Diyos. Dapat mong ilahad ang bawat layunin, iniisip, at ideya mo sa harap ng Diyos para sa masusing pagmamasid Niya; kung nagsasagawa at pumapasok ka sa ganitong paraan, magiging mabilis ang pag-unlad sa buhay mo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 487

Yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang manampalataya sa lahat ng mga salita ng Diyos at sa lahat ng gawain Niya. Ibig sabihin, yamang naniniwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Kanya. Kung hindi mo kayang gawin ito, kung gayon ay hindi mahalaga kung naniniwala ka sa Diyos o hindi. Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng masasamang demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga kalahating mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos? Ang layunin Ko sa paggawa ng gawain ng paglupig ay hindi lamang ang manlupig alang-alang sa paglupig, kundi manlupig upang ibunyag ang pagiging matuwid at kalikuan, upang kumuha ng patunay para sa kaparusahan ng tao, upang kondenahin ang kasamaan, at, higit pa rito, upang manlupig para sa kapakanan ng pagpeperpekto ng mga handang magpasakop. Sa huli, ibubukod-bukod ang lahat ayon sa kanilang uri, at ang mga naging perpekto ay ang mga may mga saloobin at mga ideya na puno ng pagpapasakop. Ito ang gawaing magagawa sa huli. Samantala, ang mga mapanghimagsik ang bawat kilos ay parurusahan at ipadadala upang sunugin sa mga apoy, at maging mga layon ng walang-hanggang sumpa. Kapag dumating ang oras na iyon, ang mga “dakila at hindi malulupig na mga bayani” ng mga kapanahunang nakalipas ay magiging pinakamababa at pinakanilalayuang “mahina at inutil na mga duwag.” Tanging ito lamang ang makapagbubunyag sa bawat aspekto ng pagiging matuwid ng Diyos, at ng disposisyon Niya na hindi malalabag ng tao, at tanging ito lamang ang makapagpapalubag ng pagkamuhi sa puso Ko. Hindi ba kayo sumasang-ayon na lubusang makatuwiran ito?

Hindi lahat ng mga nakararanas ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi rin lahat ng nasa daloy na ito, ay magkakamit ng buhay. Ang buhay ay hindi isang ari-ariang pinagsasaluhan ng lahat ng sangkatauhan, at ang mga pagbabago sa disposisyon ay hindi madaling natatamo ng lahat ng mga tao. Dapat na tunay at aktuwal ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos, at dapat itong isabuhay. Ang paimbabaw na pagpapasakop lamang ay hindi makatatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos, at ang pagpapasakop lamang sa paimbabaw na mga aspekto ng salita ng Diyos, nang hindi hinahangad ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao, ay hindi naaayon sa mga layunin Diyos. Iisa at pareho ang pagpapasakop sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga nagpapasakop lamang sa Diyos ngunit hindi sa gawain Niya ay hindi maituturing na mapagpasakop, lalong hindi ang mga hindi tunay na nagpapasakop kundi ay mga mambobola sa panlabas. Ang lahat ng mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagkakamit mula sa gawain at nagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at gawain ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos. Nagkakamit ng bagong kaalaman ang ganitong mga tao, at sumasailalim sa mga bagong pagbabago mula sa bagong gawain. Tanging ang mga taong ito lamang ang sinasang-ayunan ng Diyos; tanging ang mga taong ito lamang ang naging perpekto, at tanging ang mga ito lamang ang nagbago ang disposisyon. Ang mga sinasang-ayunan ng Diyos ay ang mga nagagalak na magpasakop sa Diyos, at sa salita at gawain Niya. Ang ganitong mga tao lamang ang mga tamang tao, ang ganitong mga tao lamang ang taos-pusong nagnanais sa Diyos, at taos-pusong naghahangad sa Diyos. Para naman sa mga nagsasalita lamang tungkol sa pananampalataya nila sa Diyos gamit ang mga bibig nila, ngunit sa katunayan ay isinusumpa Siya, sila ang mga taong tinatakpan ang mga sarili nila, na nagtataglay ng kamandag ng ahas; sila ang pinakataksil sa lahat. Sa malao’t madali, pupunitin ang buktot na mga maskara ng mga damuhong ito. Hindi ba ito ang gawaing ginagawa ngayon? Palaging magiging masam ang mga masasamang tao, at hindi kailanman makatatakas sa araw ng kaparusahan. Palaging magiging mabuti ang mga mabubuting tao, at ibubunyag kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Walang kahit isang masama ang ipapalagay na matuwid, at ang sinumang matuwid ay hindi rin ipapalagay na masama. Hahayaan Ko ba ang sinumang tao na maakusahan nang mali?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 488

Habang umuusad ang buhay mo, dapat ay palagi kang may bagong pagpasok, at bago at mas mataas na kabatiran, na lumalalim sa bawat hakbang. Ito ang dapat na pasukin ng lahat ng sangkatauhan. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan, pakikinig sa mga sermon, pagbabasa ng salita ng Diyos, o paglutas sa ilang usapin, magkakamit ka ng bagong kabatiran at bagong kaliwanagan, at hindi namumuhay sa loob ng mga dating regulasyon at lumang panahon; palagi kang mamumuhay sa bagong liwanag, at hindi lalayo mula sa salita ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsisimula sa tamang landas. Ang paimbabaw lamang na pagbabayad ng halaga ay hindi maaari; bawat araw, pumapasok ang salita ng Diyos sa mas mataas na dako, at lumilitaw ang mga bagong bagay araw-araw, at dapat ding gumawa ang tao ng bagong pagpasok araw-araw. Habang nagsasalita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang lahat ng sinasabi Niya, at kung hindi ka makasasabay, mahuhuli ka. Dapat mong laliman ang mga panalangin mo; hindi maaaring pahintu-hinto ang pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos. Laliman ang kaliwanagan at pagtanglaw na tinatanggap mo, at dapat na unti-unting mawala ang mga kuru-kuro at mga guni-guni mo. Dapat mo ring palakasin ang paghatol mo, at anumang makatatagpo mo, dapat kang magkaroon ng sarili mong mga saloobin tungkol dito at magkaroon ng sarili mong mga pananaw. Sa pamamagitan ng pag-unawa ng ilang mga bagay sa espiritu, dapat mong makamit ang kabatiran sa panlabas na mga bagay at maunawaan ang kaibuturan ng anumang usapin. Kung wala ka ng mga bagay na ito, paano mo maaakay ang iglesia? Kung bumibigkas ka lamang ng mga salita at mga doktrina nang walang anumang realidad at nang walang paraan ng pagsasagawa, makararaos ka lamang sa loob ng maikling panahon. Maaaring bahagya itong katanggap-tanggap kapag nakikipag-usap sa mga bagong mananampalataya, ngunit sa paglipas ng panahon, kapag nagkaroon na ng ilang aktuwal na karanasan ang mga bagong mananampalataya, hindi mo na sila matustusan. Kung gayon ay paano ka nagiging marapat na gamitin ng Diyos? Kung walang bagong kaliwanagan, hindi ka makagagawa. Ang mga walang bagong kaliwanagan ay ang mga hindi nakaaalam kung paano makaranas, at hindi kailanman magkakamit ng bagong kaalaman o bagong karanasan ang ganitong mga tao. At sa usapin ng pagtutustos ng buhay, hindi nila kailanman magagampanan ang tungkulin nila, ni hindi sila magiging angkop na gamitin ng Diyos. Walang silbi ang ganitong uri ng tao, isang palaboy lamang. Sa katotohanan, ang ganitong mga tao ay lubos na walang kakayahang gampanan ang tungkulin nila sa gawain, walang silbi silang lahat. Hindi lamang sila nabibigong gampanan ang tungkulin nila, kundi talagang naglalagay pa sila ng higit na di-kinakailangang pahirap sa iglesia. Hinihimok Ko itong “kagalang-galang na matatandang lalaki” na magmadali at iwanan ang iglesia, upang hindi ka na kailangang tingnan ng iba. Ang ganitong mga tao ay walang pagkaunawa sa bagong gawain at puno ng walang-katapusang mga kuru-kuro. Wala silang ginagampanang kahit na ano pa mang tungkulin sa iglesia; sa halip, gumagawa sila ng kalokohan at nagkakalat ng pagkanegatibo kahit saan, kahit hanggang sa punto ng walang pakundangang paggawa ng mga maling gawa at pagdudulot ng malaking pinsala sa iglesia, dahil dito ay itinatapon nila ang mga walang kakayahang kumilatis tungo sa kalituhan at kaguluhan. Ang mga buhay na diyablong ito, ang masasamang espiritung ito ay dapat umalis sa iglesia sa lalong madaling panahon, at baka mapinsala pa ang iglesia nang dahil sa iyo. Maaaring hindi mo kinatatakutan ang gawain sa ngayon, ngunit hindi mo ba kinatatakutan ang matuwid na kaparusahan sa hinaharap? Mayroong malalaking bilang ng mga tao sa iglesia na mga sampid, at may malaking bilang ng mga lobong naghahangad gambalain ang normal na gawain ng Diyos. Ang lahat ng bagay na ito ay mga demonyong ipinadala ng pinunong demonyo, malulupit na lobong naghahangad na lamunin ang walang muwang na mga kordero. Kung hindi patatalsikin ang tinaguriang mga taong ito, magiging mga parasitiko sila sa iglesia, mga gamugamong lumalamon ng mga handog. Sa malao’t madali, darating ang araw na itong mga kasuklam-suklam, mangmang, hamak, at karima-rimarim na mga uod na ito ay parurusahan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 489

Pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa pagiging praktikal at lubos na pagkaunawa sa gawain ng Diyos—parehong nakikita ang mga ito sa Kanyang mga salita, at magkakamit ka lamang ng kaliwanagan sa pamamagitan ng mga pahayag na ito. Kaya dapat mong lalong sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos. Ibahagi mo ang iyong pagkaunawa tungkol sa mga salita ng Diyos kapag nagbabahaginan kayo, at sa ganitong paraan, maliliwanagan mo ang iba at mabibigyan mo sila ng paraan para magsagawa—ito ay isang praktikal na landas. Bago magsaayos ang Diyos ng isang sitwasyon para sa iyo, bawat isa sa inyo ay kailangan munang sangkapan ang inyong sarili ng Kanyang mga salita. Ito ay isang bagay na dapat gawin ng lahat; isa itong agarang prayoridad. Una, umabot sa punto na marunong ka nang kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Para sa anumang bagay na hindi mo magawa, hanapin sa Kanyang mga salita ang isang landas ng pagsasagawa; para sa anumang isyung hindi mo nauunawaan o anumang suliraning maaaring mayroon ka, tumingin ka sa Kanyang mga salita. Gawing panustos mo ang mga salita ng Diyos, at tulutang alalayan ka ng mga iyon sa paglutas ng iyong mga aktuwal na paghihirap at problema; at tulutang maging tulong mo sa buhay ang Kanyang mga salita. Kakailanganin ng mga bagay na ito ang iyong pagsisikap. Sa pagkain at pag-inom ng salita ng Diyos, kailangan mong magkamit ng mga resulta, kailangan mong mapatahimik ang iyong puso sa Kanyang harapan, at kailangan mong magsagawa alinsunod sa Kanyang mga pahayag tuwing may kinakaharap kang anumang mga isyu. Kapag wala ka pang nakakaharap na anumang mga isyu, dapat mong itutok ang iyong sarili sa pagkain at pag-inom lamang ng Kanyang salita. Kung minsan ay maaari kang manalangin at pagnilayan mo ang pagmamahal ng Diyos, sabihin sa pakikibahagi ang iyong pagkaunawa sa Kanyang mga salita, at makipagbahaginan tungkol sa kaliwanagan at pagpapalinaw na nararanasan mo sa iyong kalooban at ang iyong naging mga reaksyon habang binabasa mo ang mga pahayag na ito. Bukod pa riyan, mabibigyan mo ng paraan ang mga tao para magsagawa. Ito lamang ang praktikal. Ang layunin sa paggawa nito ay para maging praktikal na panustos mo ang mga salita ng Diyos.

Sa loob ng isang araw, ilang oras ang ginugugol mo kung saan tunay kang nasa harap ng Diyos? Ilang oras ng isang araw ang talagang ibinibigay mo sa Diyos? Ilang oras ang ibinibigay mo sa laman? Ang laging pagtutok ng iyong puso sa Diyos ang unang hakbang sa pagtahak sa tamang landas tungo sa Kanyang pagpeperpekto. Kung kaya mong ilaan ang iyong puso, katawan, at lahat ng iyong tunay na pagmamahal sa Diyos, iharap ang mga iyon sa Kanya, maging ganap na mapagpasakop sa Kanya, at maging lubos na mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin—hindi para sa laman, hindi para sa pamilya, at hindi para sa iyong sariling personal na mga pagnanais, kundi para sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, na itinuturing ang salita ng Diyos bilang prinsipyo at pundasyon sa lahat—sa paggawa niyon, ang iyong mga intensyon at iyong mga pananaw ay malalagay na lahat sa tamang lugar, at magiging isa kang tao sa harap ng Diyos na tumatanggap ng Kanyang papuri. Ang mga taong gusto ng Diyos ay yaong mga ganap na tapat sa Kanya; sila yaong sa Kanya lamang magiging deboto. Ang mga kinasusuklaman ng Diyos ay yaong mga hindi deboto sa Kanya at naghihimagsik laban sa Kanya. Kinasusuklaman Niya yaong mga naniniwala sa Kanya at laging gustong masiyahan sa Kanya habang hindi pa nagagawang lubos na gugulin ang kanilang sarili para sa Kanyang kapakanan. Kinasusuklaman Niya yaong mga nagsasabi na Siya ay mahal nila ngunit naghihimagsik laban sa Kanya sa kanilang puso; kinasusuklaman Niya yaong mga gumagamit ng magagaling at mabulaklak na salita upang manlinlang. Yaong mga hindi tunay na nakalaan sa Diyos o hindi pa tunay na nagpapasakop sa Kanya ay mga taksil at masyadong likas na mayabang. Yaong mga hindi tunay na makapagpasakop sa harap ng normal at praktikal na Diyos ay mas mayabang pa, at sila ay talagang ang masunuring mga inapo ng arkanghel. Ang mga taong tunay na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos ay inilalaan ang buo nilang pagkatao sa Kanya at inilalagay ang kanilang sarili sa harapan Niya; kaya nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang mga salita at gawain, at naisasagawa nila ang Kanyang mga salita. Kaya nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ituring ang mga ito na pundasyon ng kanilang pag-iral, at nagagawa nilang taimtim na saliksikin ang nilalaman ng mga salita ng Diyos upang alamin kung aling mga bahagi ang isasagawa. Sila yaong mga tao na tunay na namumuhay sa harap ng Diyos. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, magiging kapaki-pakinabang ito para sa iyong buhay, at sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita ay matutugunan mo ang mga panloob na pangangailangan at kakulangan upang magbago ang iyong disposisyon sa buhay, matutugunan nito ang mga layunin ng Diyos. Kung kikilos ka alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, at kung hindi mo binibigyan ng kasiyahan ang laman kundi sa halip ay pinalulugod mo ang Kanyang mga layunin, dito ay nakapasok ka na sa realidad ng Kanyang mga salita. Ang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay nangangahulugang kaya mong gampanan ang iyong tungkulin at tugunan ang mga hinihingi ng gawain ng Diyos. Ang ganitong mga uri lamang ng praktikal na mga kilos ang matatawag na pagpasok sa realidad ng Kanyang mga salita. Kung nagagawa mong pumasok sa realidad na ito, tataglayin mo ang katotohanan. Ito ang simula ng pagpasok sa realidad; kailangan mo munang magdaan sa pagsasanay na ito, at saka ka lamang makakapasok sa mas malalalim na realidad. Pag-isipan kung paano susundin ang mga kautusan at kung paano maging tapat sa harap ng Diyos; huwag mo palaging isipin kung paano ka makakapasok sa kaharian. Kung hindi magbago ang iyong disposisyon, mawawalan ng silbi ang anumang iniisip mo! Para makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, kailangan munang maging para sa Diyos ang lahat ng iyong ideya at saloobin—ito ang pinakamalinaw na pangangailangan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 490

Sa kasalukuyan, maraming taong nasa gitna ng mga pagsubok at hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, ngunit sinasabi Ko sa iyo: Kung hindi mo ito nauunawaan, mas mabuti pang huwag mo itong husgahan. Marahil ay darating ang araw na lalabas ang buong katotohanan, at saka mo ito mauunawaan. Makakabuti sa iyo ang hindi manghusga, subalit hindi maaaring maghintay ka lamang nang walang kibo. Kailangan mong hangarin na aktibong makapasok; saka ka lamang tunay na makakapasok. Dahil sa kanilang pagkasuwail, laging nakakabuo ang mga tao ng mga kuru-kuro tungkol sa praktikal na Diyos. Dahil dito ay kailangang matutuhan ng lahat ng tao kung paano maging masunurin, sapagkat ang praktikal na Diyos ay isang napakalaking pagsubok para sa sangkatauhan. Kung hindi mo kayang manindigan, tapos na ang lahat; kung wala kang pagkaunawa sa pagiging praktikal ng praktikal na Diyos, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos. Ang isang napakahalagang hakbang kung magagawang perpekto ang mga tao o hindi ay ang kanilang pagkaunawa sa pagiging praktikal ng Diyos. Ang pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao na pumarito sa lupa ay isang pagsubok sa bawat tao; kung makakapanindigan ka tungkol dito, magiging isa kang tao na kilala ang Diyos, at magiging isa kang tao na tunay na nagmamahal sa Kanya. Kung hindi ka makapanindigan tungkol dito, at sa Espiritu ka lamang naniniwala at hindi mo kayang maniwala sa pagiging praktikal ng Diyos, gaano man kalaki ang iyong pananampalataya sa Diyos, mawawalan iyan ng silbi. Kung hindi mo kayang maniwala sa Diyos na nakikita, kaya mo bang maniwala sa Espiritu ng Diyos? Hindi ba tinatangka mo lamang na lokohin ang Diyos? Hindi ka masunurin sa harap ng nakikita at nahihipong Diyos, kaya may kakayahan ka bang magpasakop sa harap ng Espiritu? Ang Espiritu ay hindi nakikita at hindi nahihipo, kaya kapag sinabi mong nagpapasakop ka sa Espiritu ng Diyos, hindi ba kalokohan lamang ang sinasabi mo? Ang susi sa pagsunod sa mga kautusan ay ang pagkakaroon ng pagkaunawa sa praktikal na Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng pagkaunawa sa praktikal na Diyos, magagawa mo nang sundin ang mga kautusan. May dalawang bahagi ang pagsunod sa mga ito: Ang isa ay pagkapit sa diwa ng Kanyang Espiritu, at sa harap ng Espiritu, pagtanggap sa pagsusuri ng Espiritu; ang isa pa ay pagkakaroon ng tunay na pagkaunawa sa nagkatawang-taong laman, at tunay na pagpapasakop. Sa harap man ng katawang-tao o sa harap ng Espiritu, kailangang palaging magkimkim ang isang tao ng isang pusong nagpapasakop sa Diyos at isang pusong may takot sa Kanya. Ganitong tao lamang ang karapat-dapat na gawing perpekto. Kung mayroon kang pagkaunawa sa pagiging praktikal ng praktikal na Diyos—ibig sabihin, kung nakapanindigan ka na sa pagsubok na ito—walang anumang magiging mahirap para sa iyo.

Sabi ng ilang tao, “Madaling sundin ang mga kautusan; kailangan mo lamang magsalita nang deretsahan at tapat sa harap ng Diyos, at huwag kang magkukumpas; ito ang ibig sabihin ng sundin ang mga kautusan.” Tama ba iyon? Kaya, kung gagawa ka ng ilang bagay habang nakatalikod ang Diyos na laban sa Kanya, maituturing bang pagsunod iyon sa mga kautusan? Kailangan mong maunawaan nang lubusan kung ano ang kailangan sa pagsunod sa mga kautusan. May kaugnayan ito sa kung mayroon o wala kang tunay na pagkaunawa sa pagiging praktikal ng Diyos; kung mayroon kang pagkaunawa sa pagiging praktikal at hindi ka nadarapa at nahuhulog habang nagdaraan sa pagsubok na ito, maituturing kang nagtataglay ng matatag na patotoo. Ang matunog na magpatotoo para sa Diyos, sa pangunahin, ay may kaugnayan sa kung mayroon o wala kang pagkaunawa sa praktikal na Diyos, at kung nagagawa mong magpasakop o hindi sa harap ng taong ito na hindi lamang karaniwan, kundi normal, at magpasakop kahit hanggang kamatayan. Kung ikaw, sa pamamagitan ng pagpapasakop na ito, ay tunay na nagpapatotoo para sa Diyos, ibig sabihin niyan ay naangkin ka ng Diyos. Kung makakapagpasakop ka hanggang kamatayan, at sa Kanyang harapan, hindi magrereklamo, hindi manghuhusga, hindi maninirang-puri, wala kang anumang mga kuru-kuro, at wala kang anumang mga lihim na motibo, sa ganitong paraan ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pagpapasakop sa harap ng isang karaniwang tao na hinahamak ng tao, at nagagawang magpasakop hanggang kamatayan nang walang anumang mga kuru-kuro—ito ay tunay na patotoo. Ang realidad na hinihingi ng Diyos na pasukin ng mga tao ay na nagagawa mong magpasakop sa Kanyang mga salita, isagawa ang mga ito, yumuko sa harap ng praktikal na Diyos at makilala ang sarili mong katiwalian, buksan ang iyong puso sa Kanyang harapan, at, sa bandang huli, makamit Niya sa pamamagitan ng mga salita Niyang ito. Nagtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos kapag nilulupig ka ng mga pagbigkas na ito at idinudulot na lubos kang magpasakop sa Kanya; sa pamamagitan nito, hinihiya Niya si Satanas at kinukumpleto ang Kanyang gawain. Kapag wala kang anumang mga kuru-kuro tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos na nagkatawang-tao—ibig sabihin, kapag nakapanindigan ka sa pagsubok na ito—mahusay kang nagpatotoo rito. Kung dumating ang araw na magkaroon ka ng lubos na pagkilala sa praktikal na Diyos at kaya mong magpasakop hanggang kamatayan kagaya ni Pedro, makakamit ka ng Diyos at magagawa ka Niyang perpekto. Anumang ginagawa ng Diyos na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ay isang pagsubok para sa iyo. Kung ang gawain ng Diyos ay nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, hindi ka na kailangang magdusa o mapino. Ito ay dahil sa ang Kanyang gawain ay napaka-praktikal at hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro kaya kailangan mong pakawalan ang mga kuru-kurong iyon. Kaya nga ito ay isang pagsubok para sa iyo. Dahil sa pagiging praktikal ng Diyos kaya lahat ng tao ay nasa gitna ng mga pagsubok; ang Kanyang gawain ay praktikal, hindi higit sa karaniwan. Sa pamamagitan ng lubos na pag-unawa sa Kanyang praktikal na mga salita at Kanyang praktikal na mga pagbigkas nang walang anumang mga kuru-kuro, at sa tunay na pagmamahal sa Kanya habang lalo pang nagiging praktikal ang Kanyang gawain, makakamit ka Niya. Ang grupo ng mga tao na makakamit ng Diyos ay yaong mga nakakikilala sa Diyos; ibig sabihin, yaong mga nakakaunawa sa Kanyang pagiging praktikal. Bukod pa riyan, sila yaong mga nagagawang magpasakop sa praktikal na gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 491

Sa panahon ng pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi kasama sa pagpapasakop na hinihingi Niya sa mga tao ang pagpipigil na manghusga o lumaban, na tulad ng iniisip nila; sa halip, hinihingi Niya sa mga tao na gamitin ang Kanyang mga salita bilang kanilang prinsipyong susundin sa buhay at bilang pundasyon ng kanilang pananatiling buhay, na walang pasubaling isagawa nila ang diwa ng Kanyang mga salita, at lubos nilang matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang isang aspekto ng hinihingi sa mga tao na magpasakop sa Diyos na nagkatawang-tao ay tumutukoy sa pagsasagawa ng Kanyang mga salita, samantalang ang isa pang aspekto ay tumutukoy sa kakayahang magpasakop sa Kanyang pagiging normal at praktikal. Ang mga ito ay kailangang kapwa absoluto. Yaong mga makakatamo sa dalawang aspektong ito ay lahat ng yaong may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso. Silang lahat ay mga taong nakamit na ng Diyos, at mahal nilang lahat ang Diyos tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sariling buhay. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay may normal at praktikal na pagkatao sa Kanyang gawain. Sa ganitong paraan, ang Kanyang panlabas na anyo na kapwa normal at praktikal na pagkatao ay nagiging isang napakalaking pagsubok para sa mga tao; ito ang nagiging pinakamalaki nilang paghihirap. Gayunman, hindi maiiwasan ang pagiging normal at praktikal ng Diyos. Sinubukan Niya ang lahat para makahanap ng solusyon ngunit sa huli ay hindi Niya maalis sa Kanyang Sarili ang panlabas na anyo ng Kanyang normal na pagkatao. Ito ay dahil Siya, kunsabagay, ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi ang Diyos ng Espiritu sa langit. Hindi Siya ang Diyos na hindi nakikita ng mga tao, kundi ang Diyos na nasa anyo ng isang nilikha. Sa gayon, ang pag-aalis sa Kanyang Sarili ng anyo ng Kanyang normal na pagkatao ay hindi magiging madali sa anumang paraan. Samakatwid, anuman ang mangyari, ginagawa pa rin Niya ang gawaing nais Niyang gawin mula sa perspektiba ng katawang-tao. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng normal at praktikal na Diyos, kaya paano magiging ayos lang sa mga tao na hindi magpasakop? Ano ba ang magagawa ng mga tao tungkol sa mga kilos ng Diyos? Ginagawa Niya ang anumang nais Niyang gawin; anuman ang nagpapasaya sa Kanya ay iyon ang masusunod. Kung hindi magpapasakop ang mga tao, ano ang iba pang magagandang planong mayroon sila? Hanggang ngayon, pagpapasakop lamang ang nakapagligtas sa mga tao; wala nang may iba pang matatalinong ideya. Kung nais ng Diyos na subukan ang mga tao, ano ang magagawa nila tungkol dito? Gayunman, hindi ang Diyos sa langit ang nakaisip ng lahat ng ito; ang Diyos na nagkatawang-tao ang nakaisip nito. Nais Niyang gawin ito, kaya walang taong makakapagbago nito. Hindi nanghihimasok ang Diyos sa langit sa ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, kaya hindi ba mas malaking dahilan ito kaya dapat magpasakop sa Kanya ang mga tao? Bagama’t Siya ay kapwa praktikal at normal, Siya ang ganap na Diyos na naging tao. Batay sa Kanyang sariling mga ideya, ginagawa Niya ang anumang nais Niya. Ipinasa na ng Diyos sa langit ang lahat ng gampanin sa Kanya; kailangan kang magpasakop sa anumang Kanyang ginagawa. Bagama’t mayroon Siyang pagkatao at napakanormal, sadya na Niyang isinaayos ang lahat ng ito, kaya paano Siya napandidilatan ng mga mata ng mga tao nang may pagtutol? Nais Niyang maging normal, kaya Siya normal. Nais Niyang mamuhay sa loob ng pagkatao, kaya Siya namumuhay sa loob ng pagkatao. Nais Niyang mamuhay sa loob ng pagka-Diyos, kaya Siya namumuhay sa loob ng pagka-Diyos. Maaari itong tingnan ng mga tao paano man nila naisin, ngunit ang Diyos ay palaging magiging Diyos at ang mga tao ay palaging magiging mga tao. Ang Kanyang diwa ay hindi maitatanggi dahil sa ilang maliit na detalye, ni hindi Siya maitutulak palabas ng “persona” ng Diyos dahil sa isang maliit na bagay. Ang mga tao ay may kalayaan ng mga tao, at ang Diyos ay may dignidad ng Diyos; hindi nanghihimasok ang mga ito sa isa’t isa. Hindi ba maaaring bigyan ng mga tao ng kaunting kalayaan ang Diyos? Hindi ba nila mapagbibigyan ang pagiging medyo kaswal ng Diyos? Huwag kayong masyadong mahigpit sa Diyos! Bawat isa ay dapat magparaya sa isa’t isa; kung gayon ay hindi ba maaaring malutas ang lahat? Magkakaroon pa ba ng anumang agwat? Kung hindi makapagpaubaya ang isang tao sa gayon kaliit na bagay, paano pa niya masasabi ang anumang gaya ng “Maaaring maglayag ang isang bangka sa lawak ng puso ng isang punong ministro”? Paano sila magiging isang dakilang lalaki? Hindi ang Diyos ang nagpapahirap sa sangkatauhan, kundi ang sangkatauhan ang nagpapahirap sa Diyos. Pinangangasiwaan nila palagi ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pagpapalaki sa maliliit na bagay. Talagang pinalalaki nila ang maliit na bagay, at talagang hindi ito kailangan! Kapag gumagawa ang Diyos sa loob ng normal at praktikal na pagkatao, ang Kanyang ginagawa ay hindi ang gawain ng sangkatauhan, kundi ang gawain ng Diyos. Gayunman, hindi nakikita ng mga tao ang diwa ng Kanyang gawain; ang palagi lamang nilang nakikita ay ang panlabas na anyo ng Kanyang pagkatao. Hindi pa sila nakakita ng gayon kadakilang gawain, subalit nagpipilit silang makita ang Kanyang karaniwan at normal na pagkatao, at hindi nila ito bibitiwan. Paano ito matatawag na pagpapasakop sa harap ng Diyos? Ang Diyos sa langit ay “naging” Diyos na sa lupa ngayon, at ang Diyos sa lupa ay Diyos na sa langit. Hindi mahalaga kung magkapareho ang Kanilang mga panlabas na anyo, ni hindi mahalaga kung paano mismo Sila gumawa. Sa huli, Siya na gumagawa ng sariling gawain ng Diyos ay ang Diyos Mismo. Kailangan kang magpasakop naisin mo man o hindi—hindi ito isang bagay na may mapagpipilian ka! Ang Diyos ay nararapat sa pagpapasakop ng mga tao at kailangan talagang magpasakop ang mga tao sa Diyos nang wala ni katiting na pagkukunwari.

Ang grupo ng mga taong nais maangkin ng Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay yaong mga umaayon sa Kanyang mga layunin. Kailangan lamang nilang magpasakop sa Kanyang gawain, at tumigil sa patuloy na pag-aalala sa mga hiling tungkol sa Diyos sa langit, pamumuhay sa kalabuan, o pagpapahirap ng mga bagay-bagay para sa Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagagawang magpasakop sa Kanya ay yaong mga talagang nakikinig sa Kanyang mga salita at sumusunod sa Kanyang mga plano. Ni hindi man lamang pinapansin ng gayong mga tao kung ano talaga ang maaaring hitsura ng Diyos sa langit o kung anong klaseng gawain ang maaaring kasalukuyang ginagawa ng Diyos sa langit sa tao; ibinibigay nila nang lubusan ang kanilang puso sa Diyos sa lupa at inilalagak ang kanilang buong pagkatao sa Kanyang harapan. Hindi nila isinasaalang-alang kailanman ang kanilang sariling kaligtasan, ni hindi sila nag-aalala kailanman sa pagiging normal at praktikal ng Diyos na nasa katawang-tao. Yaong mga nagpapasakop sa Diyos na nasa katawang-tao ay maaari Niyang gawing perpekto. Yaong mga naniniwala sa Diyos sa langit ay walang mapapala. Ito ay dahil hindi ang Diyos sa langit, kundi ang Diyos sa lupa, ang nagkakaloob ng mga pangako at pagpapala sa mga tao. Hindi dapat palaging dakilain ng mga tao ang Diyos sa langit samantalang itinuturing na karaniwang tao lamang ang Diyos sa lupa; hindi ito makatarungan. Ang Diyos sa langit ay dakila at kamangha-mangha na may kagila-gilalas na karunungan, subalit ni hindi man lamang umiiral ang Diyos sa langit; ang Diyos sa lupa ay masyadong karaniwan at hamak, at napaka-normal din. Wala Siyang di-pangkaraniwang isipan o hindi Siya nagsasagawa ng mga kilos na nakakagulat; gumagawa lamang Siya at nagsasalita sa isang napaka-normal at praktikal na paraan. Kahit hindi Siya nagsasalita sa pamamagitan ng kulog o nagpapatawag ng hangin at ulan, Siya talaga ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa langit, at Siya talaga ang Diyos na namumuhay sa piling ng mga tao. Hindi dapat ituring ng mga tao ang isang taong nagagawa nilang unawain at tumutugma sa kanilang sariling mga imahinasyon bilang Diyos, o dakilain ang isang tao, samantalang nakikita ang isang taong hindi nila matanggap at tiyak na hindi nila maisip na aba. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagkasuwail ng mga tao; ito ang lahat ng pinagmumulan ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Tunay na Nagmamahal sa Diyos ay Yaong mga Talagang Nagpapasakop sa Kanyang Pagiging Praktikal

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 492

Hindi madarama ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos kung makikinig lamang sila sa mga damdamin ng kanilang konsensya. Kung aasa lamang sila sa kanilang konsensya, ang pag-ibig nila sa Diyos ay magiging mahina. Kung magsasalita ka lamang tungkol sa pagsusukli sa biyaya at pag-ibig ng Diyos, hindi ka magkakaroon ng anumang pagpupursigi sa iyong pag-ibig sa Kanya; ang pag-ibig sa Kanya batay sa mga damdamin ng iyong konsensya ay isang balintiyak na pamamaraan. Bakit Ko sinasabi na isa iyong balintiyak na pamamaraan? Ito ay isang praktikal na usapin. Anong uri ng pag-ibig ang inyong pag-ibig sa Diyos? Hindi ba ito panlilinlang lamang sa Diyos at wala sa loob na paggawa para sa Kanya? Karamihan sa mga tao ay naniniwala na yamang walang gantimpala sa pag-ibig sa Diyos at ang isang tao ay kakastiguhin din naman sa hindi pag-ibig sa Kanya, kaya sa pangkalahatan, ang hindi pagkakasala lamang ay sapat na. Kaya ang pag-ibig sa Diyos at ang pagsukli sa Kanyang pag-ibig batay sa mga damdamin ng konsensya ng isang tao ay isang balintiyak na pamamaraan, at hindi ito pag-ibig sa Diyos na kusang nanggagaling mula sa puso ng isang tao. Ang pag-ibig sa Diyos ay dapat na isang tunay na damdamin mula sa kaibuturan ng puso ng isang tao. Sinasabi ng ilang tao: “Ako mismo ay nakahandang hanapin ang Diyos at sundin Siya. Ngayon, kahit gusto akong iwanan ng Diyos, susundin ko pa rin Siya. Gusto man Niya ako o hindi, iibigin ko pa rin Siya, at sa huli, kailangan ko Siyang makamit. Iniaalay ko ang aking puso sa Diyos, at anuman ang Kanyang gawin, susundin ko Siya sa aking buong buhay. Anuman ang mangyari, kailangan kong ibigin ang Diyos at kailangan ko Siyang makamit; hindi ako titigil hangga’t hindi ko Siya nakakamit.” Taglay mo ba ang ganitong uri ng paninindigan?

Ang landas ng paniniwala sa Diyos ay walang pinag-iba sa landas ng pag-ibig sa Kanya. Kung naniniwala ka sa Kanya kailangan mo Siyang ibigin; subalit, ang pag-ibig sa Kanya ay hindi lamang tumutukoy sa pagsukli sa Kanyang pag-ibig o pag-ibig sa Kanya batay sa mga damdamin ng iyong konsensya—ito ay isang dalisay na pag-ibig para sa Diyos. Minsan, hindi nararamdaman ng mga tao ang pagmamahal ng Diyos batay sa kanilang konsensya lamang. Bakit ba palagi Kong sinabing: “Nawa’y antigin ng Espiritu ng Diyos ang ating mga espiritu”? Bakit hindi Ko binanggit ang pag-antig ng konsensya ng mga tao upang ibigin ang Diyos? Ito ay dahil hindi nadarama ng konsensya ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Kung ikaw ay hindi nakumbinsi ng mga salitang ito, subukan mong gamitin ang iyong konsensya upang damhin ang Kanyang pag-ibig. Maaaring bahagyang pursigido ka sa ngayon, ngunit maglalaho rin iyan agad. Kung nadarama mo lang ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa iyong konsensiya, magiging pursigido ka habang ikaw ay nananalangin, ngunit pagkatapos noon ay agad itong lilipas at maglalaho. Bakit ganoon? Kung ang ginagamit mo lamang ay ang iyong konsensya, hindi mo mapupukaw ang iyong pag-ibig para sa Diyos; kapag talagang nadarama mo ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos sa iyong puso, ang iyong espiritu ay aantigin Niya, at sa gayong pagkakataon lamang magagampanan ng iyong konsensya ang orihinal nitong papel. Na ang ibig sabihin, kapag inaantig ng Diyos ang espiritu ng tao at kapag may kaalaman ang tao at nahimok sa kanyang puso, iyon ay, kapag nagkamit na siya ng karanasan, saka lamang niya magagawang mabisang ibigin ang Diyos gamit ang kanyang konsensya. Ang pag-ibig sa Diyos gamit ang iyong konsensya ay hindi mali—ito ang pinakamababang antas ng pag-ibig sa Diyos. Ang pag-ibig sa pamamagitan ng “bahagyang pagbibigay lang ng hustisya sa biyaya ng Diyos” ay hindi talaga magtutulak sa taong masigasig na pumasok. Kapag natatamo ng mga tao ang kaunting gawain ng Banal na Espiritu, iyon ay, kapag nakikita at nararamdaman nila ang pag-ibig ng Diyos sa kanilang praktikal na karanasan, kapag mayroon silang kaunting kaalaman tungkol sa Diyos at tunay na nakikita na ang Diyos ay napakakarapat-dapat sa pag-ibig ng sangkatauhan at kung gaano Siya kaibig-ibig, saka lamang nila nagagawang ibigin nang tunay ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 493

Kapag kinakausap ng mga tao ang Diyos gamit ang kanilang mga puso, kapag nagagawa ng kanilang mga puso na ganap na bumaling sa Kanya, ito ang unang hakbang sa pag-ibig ng tao para sa Diyos. Kung nais mong ibigin ang Diyos, kailangan mo munang magawang ibaling ang iyong puso sa Kanya. Ano ang pagbaling ng iyong puso sa Diyos? Ito ay kapag ang lahat ng iyong hinahangad sa iyong puso ay para sa kapakanan ng pag-ibig at pagkakamit sa Diyos. Ipinakikita nito na ganap mo nang naibaling ang iyong puso sa Diyos. Maliban sa Diyos at sa Kanyang mga salita, halos wala nang ibang nasa iyong puso (pamilya, kayamanan, asawang lalaki, asawang babae, mga anak, atbp.). Kung mayroon man, hindi makakapanahan ang gayong mga bagay sa iyong puso, at hindi mo iniisip ang mga inaasahan mo sa iyong hinaharap kundi hinahangad lamang ang pag-ibig sa Diyos. Sa gayong pagkakataon ay naibaling mo na nang ganap ang iyong puso sa Diyos. Ipagpalagay mong gumagawa ka pa rin ng mga plano para sa iyong sarili sa iyong puso at palaging hinahangad ang pansariling pakinabang, palaging iniisip: “Kailan kaya ako makagagawa ng munting kahilingan sa Diyos? Kailan kaya yayaman ang aking pamilya? Paano kaya ako makakakuha ng ilang magagandang damit? …” Kung ikaw ay nabubuhay sa gayong kalagayan, ipinakikita nito na ang iyong puso ay hindi pa ganap na nakabaling sa Diyos. Kung taglay mo lamang ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at nagagawa mong manalangin sa Diyos at maging malapit sa Kanya sa lahat ng pagkakataon—na parang napakalapit Niya sa iyo, na parang ang Diyos ay nasa loob mo at ikaw ay nasa loob Niya—kung ikaw ay nasa gayong uri kalagayan, nangangahulugan ito na ang iyong puso ay nasa presensya na ng Diyos. Kung ikaw ay nananalangin sa Diyos at kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita araw-araw, palaging iniisip ang gawain ng iglesia, at kung nagpapakita ka ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ginagamit ang iyong puso upang ibigin Siya nang tunay at bigyang-kaluguran ang Kanyang puso, ang iyong puso ay magiging pag-aari ng Diyos. Kung ang iyong puso ay pinananahanan ng maraming ibang bagay, ito ay pinananahanan pa rin ni Satanas at ito ay hindi pa tunay na nakabaling sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay tunay na nakabaling na sa Diyos, magkakaroon sila ng tunay at kusang pag-ibig sa Kanya at magagawang isaalang-alang ang gawain ng Diyos. Bagama’t maaari pa rin silang magkaroon ng mga sandali ng kahangalan at kawalan ng katwiran, nagpapakita sila ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng bahay ng Diyos, sa Kanyang gawain, at sa sarili nilang pagbabago ng disposisyon, at malinis ang intensyon nila. May mga taong palaging sinasabi na lahat ng ginagawa nila ay para sa iglesia gayong, ang totoo, gumagawa sila para sa sariling pakinabang. Ang mga taong tulad nito ay nagtataglay ng maling uri ng layunin. Sila ay buktot at mapanlinlang at karamihan sa mga bagay na kanilang ginagawa ay para sa kanilang sariling pakinabang. Hindi hinahangad ng ganitong uri ng tao ang pagmamahal sa Diyos; ang kanilang puso ay pag-aari pa rin ni Satanas at hindi makakabaling sa Diyos. Sa gayon, walang paraan ang Diyos upang matamo ang ganitong uri ng tao.

Kung nais mong ibigin nang tunay ang Diyos at makamit Niya, ang unang hakbang ay ang ganap na ibaling ang iyong puso sa Diyos. Sa bawat bagay na iyong ginagawa, siyasatin mo ang iyong sarili at itanong: “Ginagawa ko ba ito batay sa isang mapagmahal-sa-Diyos na puso? Mayroon bang anumang pansariling hangarin sa likod nito? Ano ba ang aking tunay na layunin sa paggawa nito?” Kung nais mong ibigay ang iyong puso sa Diyos, kailangan mo munang supilin ang iyong sariling puso, bitiwan ang lahat ng iyong sariling hangarin, at tamuhin ang kalagayan ng pagiging ganap na para sa Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa ng pagbibigay ng iyong puso sa Diyos. Ano ang tinutukoy ng pagsupil sa sariling puso ng isang tao? Ito ay ang pagbitiw sa maluluhong pagnanasa ng laman ng tao, ang hindi pag-iimbot ng kaginhawahan o ng mga pakinabang ng katayuan. Ito ay ang paggawa ng lahat upang bigyang-kaluguran ang Diyos, at ang paggawa sa puso ng isang tao na maging ganap na para sa Kanya, hindi para sa kanyang sarili. Sapat na ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 494

Ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay nanggagaling sa kaibuturan ng puso; ito ay isang pag-ibig na umiiral lamang batay sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos. Kapag ang puso ng isang tao ay ganap na bumabaling sa Diyos, taglay nila ang pag-ibig sa Diyos, ngunit ang pag-ibig na iyon ay maaaring hindi dalisay at hindi lubos. Ito ay dahil mayroon pa ring kaunting agwat sa pagitan ng puso ng isang tao na lubusang bumabaling sa Diyos at ng pagkakaroon ng taong iyon ng tunay na pagkaunawa sa Diyos at tunay na pagsamba sa Kanya. Ang paraan para matamo ng tao ang tunay na pagmamahal sa Diyos at malaman ang disposisyon ng Diyos ay ang ibaling ang kanyang puso sa Diyos. Kapag ibinibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos, nagsisimula siyang pumasok sa karanasan ng buhay. Sa ganitong paraan, ang kanyang disposisyon ay nagsisimulang magbago, ang kanyang pag-ibig sa Diyos ay unti-unting lumalago, at ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos ay unti-unti ring nadaragdagan. Kaya, ang pagbaling ng puso ng tao sa Diyos ay paunang kondisyon lamang para makapasok sa tamang landas ng karanasan sa buhay. Kapag inilalagay ng mga tao ang kanilang mga puso sa harap ng Diyos, mayroon lamang silang puso na nasasabik sa Kanya ngunit hindi ang pag-ibig para sa Kanya, sapagkat wala silang taglay na pagkaunawa sa Kanya. Bagama’t sa pagkakataong ito ay mayroon silang kaunting pag-ibig para sa Kanya, ito ay hindi kusa at ito ay hindi tunay. Ito ay dahil anumang nanggagaling sa laman ng tao ay isang produkto ng damdamin at hindi nagmumula sa tunay na pagkaunawa. Ito ay isa lamang bugso ng damdamin at hindi ito maaaring magdulot ng pangmatagalang pagsamba. Kapag ang mga tao ay walang pagkaunawa sa Diyos, maaari lamang nila Siyang ibigin batay sa kanilang sariling mga kagustuhan at sa kanilang indibiduwal na mga kuru-kuro a; ang ganitong uri ng pag-ibig ay hindi matatawag na kusang pag-ibig, ni matatawag na tunay na pag-ibig. Ang puso ng tao ay maaaring tunay na bumaling sa Diyos, at magkaroon ng kakayahang isipin ang kapakanan ng Diyos sa lahat ng bagay, ngunit kung wala siyang pagkaunawa sa Diyos, hindi siya magkakaroon ng kakayahang magtaglay ng tunay na kusang pag-ibig. Ang tanging magagawa niya ay tuparin ang ilang gampanin para sa iglesia o gawin nang kaunti ang kanyang tungkulin, ngunit gagawin niya ito nang walang batayan. Ang disposisyon ng ganitong uri ng tao ay mahirap baguhin; ang gayong mga tao ay hindi naghahanap ng katotohanan, o hindi ito nauunawaan. Kahit na ganap na ibinabaling ng isang tao ang kanyang puso sa Diyos, hindi ito nangangahulugan na ang kanyang pusong umiibig sa Diyos ay ganap na dalisay, sapagkat yaong mga taglay ang Diyos sa kanilang puso ay hindi tiyak na nagtataglay ng pag-ibig sa Diyos sa kanilang mga puso. Ito ay tungkol sa pagkakaiba sa pagitan ng isang tao na naghahangad o hindi ng pagkaunawa sa Diyos. Sa sandaling ang isang tao ay magkaroon ng pagkaunawa sa Kanya, ipinakikita nito na ang kanyang puso ay ganap nang bumaling sa Diyos, ipinakikita nito na ang kanyang tunay na pag-ibig sa Diyos sa kanyang puso ay kusa. Tanging ang ganitong uri ng tao ang taglay ang Diyos sa kanilang puso. Ang pagbaling ng puso ng isang tao sa Diyos ay isang paunang kondisyon para makapunta siya sa tamang landas, para maunawaan ang Diyos, at para matamo ang pagmamahal sa Diyos. Hindi ito isang pananda ng pagkumpleto ng tungkulin ng isang tao na ibigin ang Diyos, ni isang pananda ng pagkakaroon ng tunay na pag-ibig sa Kanya. Ang tanging paraan para makamit ng isang tao ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay ang ibaling ang kanyang puso sa Kanya, na siya ring unang bagay na dapat gawin ng isang tao bilang isa sa Kanyang mga nilikha. Yaong mga umiibig sa Diyos ay pawang mga tao na naghahangad ng buhay, iyon ay, mga taong naghahanap sa katotohanan at tunay na ninanais ang Diyos; taglay nilang lahat ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu at naantig na Niya. Nakakamit nilang lahat ang paggabay ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tunay na Pag-ibig sa Diyos ay Kusa

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 495

Ngayon, yamang hinahangad ninyong mahalin at makilala ang Diyos, sa isang banda dapat ninyong tiisin ang hirap at pagpipino, at sa kabilang banda, kailangan ninyong magbayad ng halaga. Walang aral ang mas malalim pa kaysa sa aral na ibigin ang Diyos, at masasabing ang aral na natututunan ng mga tao sa habambuhay na paniniwala ay kung paano mahalin ang Diyos. Na ang ibig sabihin, kung naniniwala ka sa Diyos, dapat mong mahalin ang Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos ngunit hindi mo Siya minamahal at hindi mo pa nakamtan ang pagkilala sa Diyos, at hindi mo pa kailanman minahal ang Diyos nang tunay na pagmamahal na mula sa puso mo, ang paniniwala mo sa Diyos ay walang saysay; kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, ay hindi mo mahal ang Diyos, nabubuhay ka nang walang kabuluhan, at ang buong buhay mo ang pinakamababa sa lahat ng buhay. Kung, sa buong buhay mo, hindi mo pa kailanman inibig o binigyang-kasiyahan ang Diyos, ano ang saysay ng iyong pamumuhay? At ano ang saysay ng iyong paniniwala sa Diyos? Hindi ba iyon pag-aaksaya lang ng pagsisikap? Na ang ibig sabihin, kung maniniwala at iibigin ng mga tao ang Diyos, dapat silang magbayad ng halaga. Sa halip na hangaring kumilos sa isang partikular na paraan sa panlabas, dapat silang maghanap ng tunay na kabatiran sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kung masigasig ka sa pag-awit at pagsayaw, ngunit hindi kayang isagawa ang katotohanan, masasabi bang iniibig mo ang Diyos? Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, at na sumisid ka nang malalim kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maarok ang mga layunin ng Diyos, at sinusubukang makita kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na ito, kung ano ang hinihingi Niyang makamit mo, at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Halimbawa: May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Pagkaitan mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo. Maliit man o malaki, kapag may nangyayari sa iyo, dapat mo munang pagkaitan ang iyong sarili at ituring ang laman bilang ang pinakamababa sa lahat ng bagay. Habang mas binibigyang-kasiyahan mo ang laman, mas kumikilos ito nang walang permiso; kung bibigyang-kasiyahan mo ito ngayon, higit pa ang hihingin nito sa susunod. Habang nagpapatuloy ito, lalo pang napapamahal sa mga tao ang laman. Ang laman ay laging mayroong maluluhong pagnanais, palagi nitong hinihingi sa iyo na bigyan ito ng kasiyahan at palugurin ito sa kalooban mo, maging ito man ay sa mga bagay na iyong kinakain, iyong sinusuot, o sa pag-init ng ulo mo, o pagpapabuyo sa mga sarili mong kahinaan at katamaran…. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga pagnanais nito, at mas nagiging mapagpalayaw ang laman, hanggang umabot sa puntong ang laman ng mga tao ay nagkikimkim na ng mas malalalim pang mga kuru-kuro, at naghihimagsik laban sa Diyos, at itinataas ang sarili nito, at nagiging mapagduda sa gawain ng Diyos. Habang lalo mong binibigyang-kasiyahan ang laman, mas tumitindi ang mga kahinaan ng laman; palagi mong mararamdaman na walang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa iyong mga kahinaan, lagi kang maniniwalang sumusobra na ang Diyos, at sasabihin mong: “Paano ba naging sobrang malupit ang Diyos? Bakit hindi Niya lubayan ang mga tao?” Kapag binibigyang-kasiyahan ng mga tao ang laman at labis itong minamahal, sinisira nila ang kanilang sarili. Kung tunay mong iniibig ang Diyos at hindi mo binibigyang-kasiyahan ang laman, makikita mo na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay napakawasto at napakabuti, at na ang Kanyang sumpa sa iyong paghihimagsik at paghatol sa iyong di-pagkamatuwid ay makatwiran. Magkakaroon ng mga panahon na ikaw ay itinutuwid at dinidisiplina ng Diyos, at bumubuo ng kapaligiran para pandayin ka, pipilit sa iyo na lumapit sa harap Niya—at lagi mong mararamdamang ang ginagawa ng Diyos ay mabuti. Kaya mararamdaman mong parang hindi masyadong masakit, at na ang Diyos ay napakakaibig-ibig. Kung kukunsintihin mo ang mga kahinaan ng laman at sasabihing sumusobra na ang Diyos, madarama mo na palagi kang nasasaktan at palaging puno ng hinagpis, at magiging malabo sa iyo ang lahat ng gawain ng Diyos, at magmumukhang hindi man lang nakikiramay ang Diyos sa mga kahinaan ng tao at hindi batid ang mga paghihirap ng tao. At sa gayon, palagi kang makakaramdam ng kalungkutan at pag-iisa, na para bang nagdusa ka ng malaking kawalan ng katarungan, at sa oras na ito ay magsisimula kang magreklamo. Habang lalo mong kinukunsinti ang mga kahinaan ng laman sa ganitong paraan, lalo mong mararamdaman na sumusobra na ang Diyos, hanggang sa lumala ito at iyo nang itanggi ang gawain ng Diyos, at magsimulang labanan ang Diyos, at maging puno ng paghihimagsik. Kaya, dapat kang maghimagsik laban sa laman, at hindi kunsintihin ito: “Ang aking asawang lalaki (asawang babae), mga anak, mga inaasam, pag-aasawa, pamilya—walang halaga ang mga ito sa akin! Ang Diyos lamang ang nasa puso ko, at dapat kong subukan sa abot ng aking makakaya na palugurin ang Diyos at hindi ang laman.” Dapat kang magkaroon ng ganitong determinasyon. Kung palagi mong taglay ang ganitong kapasyahan, kapag isinagawa mo ang katotohanan, at isinantabi ang iyong sarili, magagawa mo ito nang walang gaanong hirap. Sinasabi na may isang magsasaka noon na nakakita ng ahas na naninigas sa lamig sa kalsada. Pinulot ito ng magsasaka at inilagay ito sa kanyang dibdib, at matapos na makabawi ng lakas ang ahas ay tinuklaw nito ang magsasaka hanggang sa mamatay ito. Ang laman ng tao ay tulad ng ahas: Ang diwa nito ay ang pinsalain ang kanyang buhay—at kapag ito nga ay ganap na nanaig, masisira ang iyong buhay. Ang laman ay kay Satanas. Palaging may maluluhong pagnanais sa loob nito; palagi itong nag-iisip para sa sarili nito, at palagi itong nagnanais ng kaluwagan at gustong magpakasasa sa kaginhawahan, na walang pagkabalisa at pakiramdam ng pag-aapura, nalulugmok sa katamaran, at kung bibigyang-kasiyahan mo ito hanggang sa isang partikular na punto, sa huli ay lalamunin ka nito. Na ang ibig sabihin, kung bibigyang-kasiyahan mo ito ngayon, hihilingin nito sa iyo na palugurin uli ito sa susunod. Lagi itong may maluluhong pagnanais at mga bagong kahilingan, at sinasamantala ang iyong pagkabuyo sa laman upang lalo mo itong pahalagahan at mamuhay kasama ng mga ginhawa nito—at kung hindi mo ito kailanman malalampasan, sisirain mo ang iyong sarili sa huli. Kung makakapagkamit ka ng buhay sa harap ng Diyos, at kung ano ang iyong kalalabasan sa huli, ay nakasalalay sa kung paano mo isinasagawa ang iyong paghihimagsik laban sa laman. Iniligtas ka ng Diyos, at hinirang at paunang itinadhana Niya, ngunit kung ngayon ay ayaw mo Siyang bigyang-kasiyahan, ayaw mong isagawa ang katotohanan, ayaw mong maghimagsik laban sa iyong sariling laman nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, sa huli ay ipapahamak mo ang iyong sarili, at sa gayon ay magtitiis ka ng matinding pasakit. Kung lagi mong kinukunsinti ang laman, dahan-dahan kang lalamunin ni Satanas, at iiwan kang walang buhay, o ng pag-antig ng Espiritu, hanggang dumating ang araw na ganap nang madilim ang kalooban mo. Kapag nabubuhay ka sa kadiliman, nabihag ka na ni Satanas, hindi mo na tataglayin ang Diyos sa puso mo, at sa panahong iyon ay ikakaila mo ang pag-iral ng Diyos at iiwanan Siya. Kaya, kung nais ng mga taong ibigin ang Diyos, dapat silang magbayad ng pasakit at magtiis ng hirap. Hindi na kailangan ang panlabas na kasigasigan at paghihirap, higit na pagbabasa at dagdag na pagpapakaabala; sa halip, dapat nilang isantabi ang mga bagay na nasa kanilang kalooban: ang maluluhong kaisipan, mga personal na interes, at ang sarili nilang mga plano, mga kuru-kuro at mga intensyon. Ito ang layunin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 496

Ang pagpupungos ng Diyos sa panlabas na disposisyon ng mga tao ay isa ring bahagi ng Kanyang gawain; ang pagpupungos sa panlabas at di-normal na pagkatao ng mga tao, halimbawa, o sa kanilang uri ng pamumuhay at mga gawi, kanilang mga paraan at kaugalian, pati na rin kanilang mga panlabas na pagsasagawa, at kanilang sigasig. Ngunit kapag Kanyang hinihiling sa mga tao na isagawa ang katotohanan at baguhin ang kanilang mga disposisyon, ang pangunahing pagpupungos ay ang mga intensyon at kuru-kuro sa kalooban nila. Hindi mahirap na pungusan lamang ang iyong panlabas na disposisyon; ito ay tulad ng paghingi sa iyo na huwag kainin ang mga bagay na gusto mo, na madali lang. Subalit, ang may kinalaman sa mga kuru-kuro na nasa iyong kalooban ay hindi madaling pakawalanan: Kailangan nito para sa tao na labanan ang laman, at mabayad ng halaga, at magdusa sa harap ng Diyos. Lalo nang ganito pagdating sa mga intensyon ng mga tao. Magmula nang maniwala ang mga tao sa Diyos, nagkimkim na sila ng maraming maling intensyon. Kapag hindi mo isinasagawa ang katotohanan, nararamdaman mong lahat ng iyong layunin ay tama, ngunit kapag may nangyari sa iyo, makikita mong maraming maling intensyon sa kalooban mo. Kaya, kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, sinasanhi Niya na matanto nila na maraming kuru-kuro sa kanilang kalooban na humahadlang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Kapag natatanto mong mali ang iyong mga intensyon, kung nagagawa mong itigil ang pagsasagawa ayon sa iyong mga kuru-kuro at intensyon, at nagagawa mong magpatotoo sa Diyos at panindigan ang iyong posisyon sa lahat ng nangyayari sa iyo, nagpapatunay ito na nalabanan mo na ang laman. Kapag nilalabanan mo ang laman, tiyak na magkakaroon ng isang labanan sa iyong kalooban. Susubukang himukin ni Satanas ang mga tao na sundin ito, susubukan sila nitong utusan na sundin ang mga kuru-kuro ng laman at panindigan ang mga interes ng laman—ngunit liliwanagan at paliliwanagin ng mga salita ng Diyos ang kalooban ng mga tao, at sa oras na ito ay nasa iyo na kung susundin mo ang Diyos o susundin si Satanas. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na isagawa ang katotohanan, pangunahin upang pungusan ang mga bagay na nasa kalooban nila, upang pungusan ang kanilang mga kaisipan at mga kuru-kuro na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos. Pinupukaw ng Banal na Espiritu ang mga tao sa kanilang puso, at nililiwanagan at pinaliliwanag sila. Kaya sa likod ng lahat ng bagay na nangyayari ay isang labanan: Tuwing isinasagawa ng mga tao ang katotohanan, o isinasagawa ang pagmamahal sa Diyos, mayroong isang malaking labanan, at bagama’t maaaring mukhang maayos ang lahat sa kanilang laman, sa kaibuturan ng kanilang mga puso, sa katunayan ay nagpapatuloy ang isang labanan sa pagitan ng buhay at kamatayan—at matapos lamang ng matinding labanang ito, matapos ang napakaraming pagmumuni-muni, saka mapagpapasyahan ang tagumpay o pagkatalo. Hindi alam ng isang tao kung tatawa o hihikbi. Dahil marami sa mga intensyon na nasa kalooban ng mga tao ang mali, o kaya’y dahil marami sa gawain ng Diyos ang taliwas sa kanilang mga kuru-kuro, kapag isinagawa ng mga tao ang katotohanan, isang malaking labanan ang nagaganap sa likod ng mga eksena. Matapos maisagawa ang katotohanang ito, sa likod ng mga eksena, hindi na mabilang ang mga patak ng luhang ibinuhos ng mga tao dahil sa kalungkutan bago nila tuluyang napagpasyahan na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Dahil sa labanang ito kung kaya’t dumaranas ang mga tao ng paghihirap at pagdadalisay; ito ay totoong pagdurusa. Kapag nangyari sa iyo ang labanan, kung magagawa mong tunay na pumanig sa Diyos, magagawa mong bigyan ng kasiyahan ang Diyos. Habang isinasagawa ang katotohanan, tiyak na magdurusa ang kalooban ng isang tao; kung, kapag isinagawa nila ang katotohanan, ang lahat ng nasa kalooban ng mga tao ay tama, hindi na sila kailangan pang gawing perpekto ng Diyos, at hindi magkakaroon ng labanan, at hindi sila magdurusa. Dahil maraming bagay sa kalooban ng tao ang hindi akmang gamitin ng Diyos, at dahil maraming mapaghimagsik na disposisyon ng laman, kung kaya’t kailangang mas malalim na matutunan ng tao ang aral ng paghihimagsik laban sa laman. Ito ang tinatawag ng Diyos na paghihirap na Kanyang hiningi sa tao na pagdaanan kasama Niya. Kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap, magmadali kang manalangin sa Diyos: “O Diyos! Nais kong magbigay-kasiyahan sa Iyo, nais kong tiisin ang sukdulang paghihirap upang makapagbigay-kasiyahan sa Iyong puso, at gaano man kalaki ang mga dagok na aking makatagpo, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo. Kahit na kailanganin ko pang ibigay ang aking buong buhay, kailangan ko pa ring magbigay-kasiyahan sa Iyo!” Kapag may ganito kang kapasyahan, kapag nananalangin ka nang ganito, magagawa mong panindigan ang iyong patotoo. Tuwing isinasagawa nila ang katotohanan, tuwing sumasailalim sila sa pagpipino, tuwing sinusubok sila, at tuwing dumarating sa kanila ang gawain ng Diyos, kailangang magtiis ang mga tao ng matinding sakit. Ang lahat ng ito ay isang pagsubok para sa mga tao, at kaya sa loob nilang lahat ay may isang digmaan. Ito ang aktwal na halagang kanilang binabayaran. Ang higit pang pagbabasa ng mga salita ng Diyos at higit pang pag-aabala ay bahagi ng kabayarang iyon. Ito ang nararapat gawin ng mga tao, tungkulin nila ito, at ang pananagutan na dapat nilang tuparin, ngunit dapat na isantabi ng mga tao iyong nasa loob nila na kailangang maisantabi. Kung hindi, gaano man katindi ang iyong panlabas na pagdurusa, gaano ka man magpakaabala, ang lahat ay mawawalan ng kabuluhan! Na ang ibig sabihin, tanging ang mga pagbabago sa iyong kalooban ang makapagsasabi kung may halaga ang iyong panlabas na paghihirap. Kapag nagbago na ang iyong panloob na disposisyon at naisagawa mo na ang katotohanan, magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos ang lahat ng iyong panlabas na paghihirap; kung walang naging pagbabago sa iyong panloob na disposisyon, kahit gaano karaming paghihirap ang iyong tiisin o gaano ka man magpakaabala sa panlabas, walang magiging pagsang-ayon mula sa Diyos—at ang paghihirap na hindi pinagtibay ng Diyos ay walang kabuluhan. Kaya, kung sinasang-ayunan ng Diyos ang halaga na iyong ibinayad ay malalaman sa pamamagitan ng kung nagkaroon na ba ng pagbabago sa iyo o hindi, at kung isinasagawa mo ba ang katotohanan o hindi at kung lumalaban ka ba sa sarili mong mga intensyon at mga kuru-kuro upang makamit ang pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos, ang pagkakilala sa Diyos, at ang katapatan sa Diyos. Gaano man ang iyong pag-aabala, kung hindi mo pa kailanman nagawang labanan ang sarili mong mga intensyon, kundi naghahanap ka lamang ng panlabas na mga aksyon at sigasig, at hindi kailanman nagbibigay-pansin sa iyong buhay, ang iyong paghihirap ay walang kabuluhan. Kung, sa isang tiyak na kapaligiran, mayroon kang nais sabihin, ngunit sa iyong kalooban ay nararamdaman mong hindi tamang sabihin ito, na ang pagsasabi nito ay hindi makabubuti sa iyong mga kapatid, at maaaring makasakit sa kanila, hindi mo ito sasabihin, at pipiliin mong tahimik na masaktan ang kalooban mo, sapagka’t hindi matutugunan ng mga salitang ito ang mga layunin ng Diyos. Sa oras na ito, magkakaroon ng paglalaban sa iyong kalooban, ngunit ikaw ay magiging handang magdusa ng sakit at isuko ang iyong iniibig. Magiging handa kang tiisin ang pagdurusang ito upang bigyang-kasiyahan ang Diyos, at bagama’t magdurusa ng sakit ang kalooban mo, hindi ka magpapadala sa laman, at ang puso ng Diyos ay masisiyahan, at kaya mapagiginhawa rin ang kalooban mo. Ito ang tunay na pagbabayad ng halaga, at ang halagang ninanais ng Diyos. Kung nagsasagawa ka sa ganitong paraan, siguradong pagpapalain ka ng Diyos; kung hindi mo makakamit ito, gaano karami man ang nauunawaan mo, o gaano ka man kahusay sa pananalita, itong lahat ay para sa wala! Kung, sa landas tungo sa pagmamahal sa Diyos, nagagawa mong tumayo sa panig ng Diyos kapag nakikipaglaban Siya kay Satanas, at hindi ka bumabalik kay Satanas, nakamit mo na ang pagmamahal sa Diyos, at nakapanindigan ka na sa iyong patotoo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 497

Ang bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao sa panlabas ay mukhang pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panggugulo ng tao. Ngunit sa likod ng bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi nito sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubok, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng mga tao, at ang panggugulo ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod nito ay isang labanan. Halimbawa, kung ikaw ay may pagkiling tungo sa iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mga salita na nais mong sabihin—mga salita na sa pakiramdam mo ay maaaring hindi ikatuwa ng Diyos—ngunit kung hindi mo sasabihin ang mga ito, makararamdam ka ng paghihirap sa kalooban mo, at sa sandaling ito, magsisimula ang isang paglalaban sa kalooban mo: “Magsasalita ba ako o hindi?” Ito ang paglalaban. Kaya, sa lahat ng bagay na makatagpo mo ay may labanan, at kapag may labanan sa iyong kalooban, dahil sa iyong aktuwal na pakikipagtulungan at aktuwal na pagdurusa, gumagawa ang Diyos sa iyong kalooban. Sa huli, nagagawa mong isantabi sa kalooban mo ang pangyayari at ang galit ay likas na nawawala. Ganito ang epekto ng iyong pakikipagtulungan sa Diyos. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao, kinakailangan ng partikular na dami ng dugo ng kanilang puso. Kung walang aktuwal na paghihirap, hindi nila mabibigyang-kasiyahan ang Diyos; hindi man lamang sila nakakaabot sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos, at naglilitanya lamang sila ng mga hungkag na islogan! Mabibigyang-kasiyahan ba ng mga hungkag na islogang ito ang Diyos? Kapag naglalaban sa espirituwal na mundo ang Diyos at si Satanas, paano mo dapat bigyang-kasiyahan ang Diyos, at paano ka dapat manindigan sa iyong patotoo sa Kanya? Dapat mong malaman na ang lahat ng nangyayari sa iyo ay isang malaking pagsubok at ang oras na kailangan ka ng Diyos na magpatotoo. Bagama’t maaaring hindi mukhang mahalaga ang mga ito sa panlabas, kapag nangyayari ang mga bagay na ito, ipinakikita ng mga ito kung mahal mo ba o hindi ang Diyos. Kung mahal mo, makakapanindigan ka sa iyong patotoo sa Kanya, at kung hindi mo naisagawa ang pagmamahal sa Kanya, ipinapakita nito na ikaw ay hindi isang taong nagsasagawa ng katotohanan, na ikaw ay walang katotohanan, at walang buhay, na ikaw ay ipa! Sa lahat ng bagay na nangyayari sa mga tao, kailangan sila ng Diyos na manindigan sa kanilang pagpapatotoo sa Kanya. Bagama’t walang malaking nangyayari sa iyo sa sandaling ito at hindi ka lubos na nagpapatotoo, ang lahat ng detalye ng iyong pang-araw-araw na buhay ay nauugnay sa patotoo sa Diyos. Kung makakamit mo ang paghanga ng iyong mga kapatid, mga miyembro ng iyong pamilya, at lahat ng tao sa iyong paligid; kung, isang araw, dumating ang mga walang pananampalataya, at humanga sa lahat ng iyong ginagawa, at makitang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay kahanga-hanga, nakapagpatotoo ka na. Kahit wala kang kabatiran at mababa ang iyong kakayahan, sa pamamagitan ng pagperpekto sa iyo ng Diyos, nagagawa mong bigyan Siya ng kasiyahan at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, na ipinapakita sa iba ang dakilang gawaing nagawa Niya sa mga tao na may pinakamabababang kakayahan. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos at nagiging mga mananagumpay sila sa harap ni Satanas, na lubhang tapat sa Diyos, wala nang iba pang mas may tapang kaysa sa grupong ito ng mga tao, at ito ang pinakadakilang patotoo. Bagama’t hindi mo kayang gumawa ng dakilang gawain, kaya mong bigyang-kasiyahan ang Diyos. Hindi maisantabi ng iba ang kanilang mga kuru-kuro, ngunit kaya mo; hindi kaya ng iba na magpatotoo sa Diyos sa panahon ng kanilang aktuwal na mga karanasan, ngunit nagagamit mo ang iyong aktuwal na tayog at mga pagkilos upang suklian ang pagmamahal ng Diyos at magbigay ng matunog na patotoo sa Kanya. Ito lamang ang mabibilang na aktuwal na pagmamahal sa Diyos. Kung hindi mo ito kayang gawin, hindi ka nagpapatotoo sa mga miyembro ng iyong pamilya, sa iyong mga kapatid, o sa harap ng mga tao sa mundo. Kung hindi mo kayang magpatotoo sa harap ni Satanas, tatawanan ka ni Satanas, ituturing ka nito bilang isang katatawanan, bilang isang laruan, madalas ka nitong tutuyain, at gagawin kang baliw. Sa hinaharap, maaaring dumating sa iyo ang malalaking pagsubok—pero ngayon, kung mahal mo ang Diyos nang may tunay na puso, at gaano man kalaki ang mga pagsubok na darating, anuman ang mangyari sa iyo, nagagawa mong manindigan sa iyong pagpapatotoo, at nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, kung gayon, pagiginhawahin ang iyong puso, at hindi ka matatakot gaano man kalaki ang mga pagsubok na iyong makakatagpo sa hinaharap. Hindi ninyo makikita kung ano ang mangyayari sa hinaharap; maaari lamang ninyong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga kalagayan sa ngayon. Wala kayong kakayahang gumawa ng anumang dakilang gawain—dapat kayong tumuon sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang mga salita sa tunay na buhay, at dapat kayong magbigay ng malakas at matunog na patotoo at sa gayon ay magbigay-kahihiyan kay Satanas. Bagama’t mananatiling hindi nasisiyahan ang iyong laman at magdurusa, naghatid ka ng kasiyahan sa Diyos at nagdala ng kahihiyan kay Satanas. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magbubukas ang Diyos ng isang landas sa harap mo. Kapag, isang araw, dumating ang isang malaking pagsubok, babagsak ang iba, ngunit makatatayo ka nang matatag: Dahil sa halaga na iyong binayaran, poprotektahan ka ng Diyos upang matatag kang makatayo at hindi bumagsak. Kung sa karaniwan ay naisasagawa mo ang katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, tiyak na poprotektahan ka ng Diyos sa mga pagsubok sa hinaharap. Bagama’t ikaw ay hangal, maliit ang tayog mo, at mahina ang kakayahan, hindi kikiling ang Diyos laban sa iyo. Depende ito sa kung ang iyong mga intensyon ay tama. Ipagpalagay na ngayon, nabibigyang-kasiyahan mo ang Diyos—metikuloso ka sa maliliit na detalye, at pinalulugod mo ang Diyos sa lahat ng bagay, mayroon kang tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, ibinibigay mo ang tunay mong puso sa Diyos, at bagama’t may ilang bagay na hindi mo malinaw na makita, kaya mong lumapit sa Diyos upang maitama ang iyong mga intensyon, at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at ginagawa mo ang lahat upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. At bagama’t maaaring itakwil ka ng iyong mga kapatid, pinalulugod ng puso mo ang Diyos, at hindi mo iniimbot ang mga kasiyahan ng laman. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, poprotektahan ka pagdating sa iyo ng malalaking pagsubok.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 498

Sa anong panloob na kalagayan ng mga tao nakatutok ang mga pagsubok? Nakatutok ang mga ito sa mapaghimagsik na disposisyon ng mga tao na walang kakayahang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Maraming hindi malinis sa kalooban ng mga tao, at maraming mapag-imbabaw, kaya isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok upang dalisayin sila. Ngunit kung ngayon ay nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging pagpeperpekto sa iyo. Kung ngayon ay hindi mo nagagawang bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay tutukso sa iyo, at matutumba ka nang hindi mo namamalayan, at sa oras na iyon hindi mo matutulungan ang iyong sarili, sapagka’t hindi mo kayang sumabay sa gawain ng Diyos, at wala kang tunay na tayog. At kaya, kung nais mong makapanindigan sa hinaharap, mas bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sumunod sa Kanya hanggang sa pinakawakas, kailangan mong bumuo ngayon ng isang matatag na pundasyon. Dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay, at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magkakaroon ng pundasyon sa kalooban mo, at pupukawin sa iyo ng Diyos ang isang pusong nagmamahal sa Kanya, at bibigyan ka Niya ng pananalig. Isang araw, kapag tunay na dumating sa iyo ang isang pagsubok, maaari kang magdusa ng kaunting sakit at medyo mabagabag, at magdusa ng matinding dalamhati, na para bang ikaw ay namatay—ngunit ang iyong pagmamahal sa Diyos ay hindi magbabago, at magiging mas malalim pa nga. Ganyan ang mga pagpapala ng Diyos. Kung nagagawa mong tanggapin ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ngayon nang may isang pusong nagpapasakop, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at sa gayon magiging isa kang taong pinagpapala ng Diyos at tumatanggap ng Kanyang pangako. Kung ngayon ay hindi ka nagsasagawa, kapag dumating sa iyo ang mga pagsubok balang araw, mawawalan ka ng pananalig o mapagmahal na puso, at sa oras na iyon ang pagsubok ay magiging tukso; malulublob ka sa gitna ng panunukso ni Satanas at hindi magkakaroon ng paraan upang makatakas. Ngayon, maaaring kaya mong manindigan kapag dumarating sa iyo ang isang maliit na pagsubok, ngunit hindi nangangahulugang magagawa mong manindigan kapag dumating sa iyo ang isang malaking pagsubok balang araw. Ang ilang tao ay palalo at iniisip na malapit na silang maging perpekto. Kung hindi ka mas magpapakalalim sa nasabing mga pagkakataon, at mananatiling kampante, malalagay ka sa panganib. Ngayon, hindi ginagawa ng Diyos ang gawain ng mas matitinding pagsubok at tila maayos ang lahat, ngunit kapag sinubukan ka ng Diyos, matutuklasan mong masyado kang kulang, dahil masyadong mababa ang tayog mo at wala kang kakayahang magtiis ng matitinding pagsubok. Kung mananatili ka kung paano ka ngayon at hindi ka umuusad, babagsak ka pagdating ng mga pagsubok. Dapat ninyong tingnan nang madalas kung gaano kababa ang inyong tayog; sa ganitong paraan lamang kayo lalago. Kung sa mga panahon lamang ng pagsubok mo makikita na napakababa ng iyong tayog, na ang iyong tibay ng loob ay napakahina, na napakakaunti lamang sa loob mo ang tunay, at hindi ka sapat para sa mga layunin ng Diyos—kung saka mo lamang mapagtatanto ang mga bagay na ito, magiging huli na ang lahat.

Kung hindi mo alam ang disposisyon ng Diyos, tiyak na mahuhulog ka kapag may mga pagsubok, dahil hindi mo alam kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; at sa anong paraan Niya ginagawa silang perpekto, at kapag dumating ang mga pagsubok ng Diyos sa iyo at hindi tumutugma ang mga ito sa iyong mga kuru-kuro, hindi mo magagawang manindigan. Ang totoong pagmamahal ng Diyos ay ang Kanyang buong disposisyon, at kapag ibinubunyag sa mga tao ang buong disposisyon ng Diyos, ano ang dala nito sa iyong laman? Kapag ibinubunyag sa mga tao ang matuwid na disposisyon ng Diyos, tiyak na daranas ng matinding pasakit ang kanilang laman. Kung hindi mo pagdurusahan ang pasakit na ito, hindi ka magagawang perpekto ng Diyos, ni hindi ka makapag-uukol ng totoong pagmamahal sa Diyos. Kung ginagawa kang perpekto ng Diyos, tiyak na ibubunyag Niya sa iyo ang Kanyang buong disposisyon. Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, hindi pa kailanman ibinunyag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa tao—ngunit sa mga huling araw, Kanyang ibinubunyag ito sa grupong ito ng mga tao na Kanya nang itinalaga at pinili, at sa pagpeperpekto sa mga tao, Kanyang ibinubunyag ang Kanyang mga disposisyon, kung saan sa pamamagitan nito ay Kanyang ginagawang ganap ang isang grupo ng mga tao. Gayon ang tunay na pag-ibig ng Diyos sa mga tao. Ang pagdanas ng tunay na pag-ibig ng Diyos ay hinihingi sa mga tao na magtiis ng matinding pasakit, at magbayad ng malaking halaga. Saka lamang maaaring makamit ng Diyos ang mga tao sa huli, at sa wakas ay magawang magsukli ng kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, at saka lamang masisiyahan ang puso ng Diyos. Kung nais ng mga tao na gawin silang perpekto ng Diyos, at kung nais nilang sumunod sa Kanyang kalooban, at ganap na ipagkaloob ang kanilang tunay na pag-ibig sa Diyos, dapat nilang maranasan ang maraming pasakit at maraming kirot mula sa mga sitwasyon, nagdurusa ng matinding pasakit na mas masahol pa kaysa kamatayan. Sa huli, mapipilitan silang ibalik ang kanilang totoong puso sa Diyos. Kung tunay bang mahal o hindi ng isang tao ang Diyos ay nabubunyag sa panahon ng pagdurusa at pagpipino. Ang pagdadalisay ng Diyos sa pag-ibig ng mga tao ay nakakamit lamang sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 499

Pananalig sa relihiyon ang diwa ng paniniwala sa Diyos ng karamihan ng tao: Hindi nila kayang magmahal sa Diyos, at kaya lamang nilang sumunod sa Diyos na tulad ng isang robot, hindi magawang tunay na maghangad sa Diyos o sambahin Siya. Tahimik lamang silang sumusunod sa Kanya. Maraming tao ang naniniwala sa Diyos, ngunit napakakaunti ng nagmamahal sa Diyos; “kinatatakutan” lamang nila ang Diyos sapagkat takot sila sa sakuna, o kaya ay “hinahangaan” nila ang Diyos dahil Siya ay mataas at makapangyarihan—ngunit walang pagmamahal o tunay na matinding paghahangad sa kanilang pagkatakot at paghanga. Sa kanilang mga karanasan, hinahanap nila ang mga detalye ng katotohanan, o hindi kaya naman ay ang ilang di-makabuluhang hiwaga. Sumusunod lamang ang karamihan ng tao, nanghuhuli ng mga biyaya sa mga maalimpuyong tubig; hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi rin sila tunay na nagpapasakop sa Diyos upang makatanggap ng mga biyaya ng Diyos. Ang buhay ng lahat ng paniniwala ng tao sa Diyos ay walang kabuluhan, ito ay walang halaga, at naglalaman ng kanilang mga pansariling konsiderasyon at paghahangad; hindi sila naniniwala sa Diyos upang mahalin ang Diyos, ngunit upang maging pinagpala. Maraming tao ang kumikilos paano man nila nais; ginagawa nila ang anumang gusto kanila at hindi kailanman isinasaalang-alang ang mga interes ng Diyos, o kung ang ginagawa ba nila ay alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ang mga taong tulad nito ay hindi man lamang makayang magkamit ng tunay na paniniwala, lalo na ng pagmamahal sa Diyos. Ang diwa ng Diyos ay hindi lamang upang paniwalaan ito ng tao; higit pa rito, ito ay para mahalin ito ng tao. Subalit marami sa mga naniniwala sa Diyos ang hindi kayang tuklasin ang “lihim” na ito. Hindi nangangahas ang mga tao na mahalin ang Diyos, o sumusubok na mahalin Siya. Hindi nila kailanman natuklasan na marami ang kaibig-ibig sa Diyos; hindi nila kailanman natuklasan na ang Diyos ay ang Diyos na nagmamahal sa tao, at Siya ang Diyos na dapat mahalin ng tao. Ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos ay ipinahahayag sa Kanyang gawain: Sa pagdanas lamang sa Kanyang gawain maaaring matuklasan ng mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig; sa realidad lamang nila maaaring mapahalagahan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; at kung hindi ito mararanasan at maisasagawa sa tunay na buhay, walang sinuman ang makatutuklas sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Napakaraming kaibig-ibig sa Diyos, ngunit kung walang tunay na pakikipag-ugnayan sa Kanya, walang kakayahan ang mga tao na tuklasin ito. Ibig sabihin, kung hindi nagkatawang-tao ang Diyos, hindi makakaya ng mga tao ang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, at kung hindi nila magawang aktuwal na makipag-ugnayan sa Kanya, hindi rin nila magagawang maranasan ang Kanyang gawain—kaya mababahiran ang kanilang pagmamahal sa Diyos ng maraming kasinungalingan at imahinasyon. Ang pagmamahal sa Diyos sa langit ay hindi kasing tunay ng pagmamahal sa Diyos sa lupa, dahil ang kaalaman ng mga tao sa Diyos sa langit ay nabuo sa kanilang mga imahinasyon, sa halip na sa kung ano ang nakita ng sarili nilang mga mata, at kung ano ang kanilang naging personal na naranasan. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, napagmamasdan ng mga tao ang Kanyang praktikal na mga gawa at ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at nakikita nila ang lahat ng Kanyang praktikal at normal na disposisyon, at ang lahat ng ito ay ilang libong ulit na higit na tunay kaysa sa kabatiran sa Diyos sa langit. Gaano man kamahal ng mga tao ang Diyos sa langit, walang anumang tunay sa pag-ibig na ito, at puno ito ng mga ideya ng tao. Gaano man kaliit ang kanilang pagmamahal para sa Diyos sa lupa, ang pagmamahal na ito ay tunay; kahit ito ay kakaunti lamang, ito ay tunay pa rin. Idinudulot ng Diyos na kilalanin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng praktikal na gawain, at sa pamamagitan ng kaalamang ito, nakakamit Niya ang kanilang pagmamahal. Katulad ito ni Pedro: Kung hindi siya namuhay na kasama si Jesus, magiging imposible para sa kanya na mahalin si Jesus. Ang kanyang katapatan kay Jesus ay nabuo rin sa kanyang pakikipag-ugnayan kay Jesus. Upang mahalin Siya ng tao, ang Diyos ay pumarito sa mga tao at namumuhay na kasama ng tao, at ang lahat ng Kanyang ipinakikita at ipinararanas sa tao ay ang pagiging praktikal ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 500

Ginagamit ng Diyos ang pagiging praktikal at ang pagdating ng mga katunayan upang maperpekto ang mga tao; tinutupad ng mga salita ng Diyos ang bahagi ng Kanyang pagperpekto sa mga tao, at ito ay ang gawain ng paggabay at pagbubukas ng daan. Ibig sabihin, dapat mong matagpuan sa mga salita ng Diyos ang daan ng pagsasagawa at ang kaalaman sa mga pananaw. Sa pag-unawa sa mga bagay na ito, magkakaroon ang tao ng isang landas at mga pananaw sa kanyang aktuwal na paggawa, at magagawa niyang magkamit ng kaliwanagan sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos; mauunawaan din niya na ang mga bagay na ito ay galing sa Diyos, at magagawang makakilala ng maraming bagay. Matapos ang pag-unawa, dapat na pumasok kaagad ang tao sa realidad na ito, at dapat gamitin ang mga salita ng Diyos upang bigyang-lugod ang Diyos sa kanyang tunay na buhay. Papatnubayan ka ng Diyos sa lahat ng bagay, at bibigyan ka ng landas ng pagsasagawa, at ipadarama sa iyo na Siya ay lalong kaibig-ibig, at hahayaan kang makita na ang bawat hakbang ng gawain ng Diyos sa iyo ay may layon na gawin kang perpekto. Kung nais mong makita ang pagmamahal ng Diyos, kung nais mong tunay na maranasan ang pagmamahal ng Diyos, kung gayo’y dapat kang magtungo sa kailaliman ng realidad, dapat kang magtungo sa kailaliman ng tunay na buhay at makita na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay pag-ibig at kaligtasan, na ang lahat ng ginagawa Niya ay upang magawa ng mga tao na iwan ang hindi malinis, at pinuhin ang mga bagay sa loob ng tao na hindi tumutugon sa mga layunin ng Diyos. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang matustusan ang tao; isinasaayos Niya ang mga pangyayari sa tunay na buhay upang makaranas ang mga tao, at kung kumakain at umiinom ang mga tao ng maraming salita ng Diyos, kung gayon, kapag tunay nilang isinasagawa ang mga ito, malulutas nila ang lahat ng hirap sa kanilang buhay gamit ang maraming salita ng Diyos. Ibig sabihin, kailangan ay mayroon kang mga salita ng Diyos upang makarating nang malalim sa realidad; kung hindi mo kinakain at iniinom ang mga salita ng Diyos, at wala sa iyo ang gawain ng Diyos, kung gayon ay hindi ka magkakaroon ng landas sa tunay na buhay. Kung hindi ka kailanman nakakakain o nakaiinom ng mga salita ng Diyos, malilito ka kapag may isang bagay na nangyari sa iyo. Alam mo lamang na dapat mong mahalin ang Diyos, ngunit wala kang kakayahan ng makita ang anumang pagkakaiba at wala kang landas ng pagsasagawa; naguguluhan at nalilito ka, at kung minsan ay naniniwala ka pa na sa pamamagitan ng pagbibigay-kasiyahan sa laman, ikaw ay nagbibigay ng kasiyahan sa Diyos—ang lahat ng ito ay bunga ng hindi pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, kung ikaw ay walang tulong ng mga salita ng Diyos, at nangangapa lamang sa loob ng realidad, kung gayon, ikaw ay walang kakayahan sa pangkalahatan na mahanap ang landas ng pagsasagawa. Ang mga tao na tulad nito ay hindi lamang nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng paniniwala sa Diyos, at lalong hindi nila nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng mahalin ang Diyos. Kung madalas kang manalangin, at magsiyasat, at maghanap, gamit ang kaliwanagan at gabay ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan nito ay natutuklasan mo ang nararapat mong isagawa, nahahanap ang mga oportunidad para sa gawain ng Banal na Espiritu, tunay na nakikipagtulungan ka sa Diyos, at hindi naguguluhan at nalilito, kung gayo’y magkakaroon ka ng landas sa tunay na buhay, at tunay kang makapagbibigay-lugod sa Diyos. Kapag nabigyang-lugod mo na ang Diyos, magkakaroon sa loob mo ng gabay ng Diyos, at lalo kang pagpapalain ng Diyos, na magbibigay sa iyo ng kasiyahan: Mararamdaman mong ikinararangal mo nang labis na nabigyang-kaluguran mo ang Diyos, mararamdaman mo ang isang natatanging kasiglahan ng kalooban, at sa iyong puso ay may kalinawan at kapayapaan. Pagiginhawain ang iyong budhi at magiging malaya ka sa mga paratang, at magiging mabuti ang pakiramdam mo kapag nakita mo ang iyong mga kapatid. Ito ang ibig sabihin ng matamasa ang pag-ibig ng Diyos, at ito lamang ang totoong pagtamasa sa Diyos. Ang pagtamasa ng mga tao sa pag-ibig ng Diyos ay nakakamit sa pamamagitan ng karanasan: Sa pagdanas ng hirap, at pagdanas ng pagsasagawa ng katotohanan, nakakamit nila ang mga pagpapala ng Diyos. Kung sinasabi mo lamang na mahal ka talaga ng Diyos, na ang Diyos ay nagbayad ng malaking halaga alang-alang sa mga tao, na Siya ay matiyaga at may kabaitang nangungusap ng maraming salita, at laging inililigtas ang mga tao, ang iyong pagbigkas ng mga salitang ito ay isang bahagi lamang ng pagtamasa sa Diyos. Ngunit ang higit na pagtamasa—ang tunay na pagtamasa—ay kapag isinasagawa ng mga tao ang katotohanan sa kanilang tunay na buhay, at pagkatapos nito ay mapayapa sila at may kalinawan sa kanilang mga puso. Nadarama nila ang lubhang pagkaantig ng kalooban at nadarama na ang Diyos ay lubos na kaibig-ibig. Madarama mo na ang halagang iyong ibinayad ay higit pa sa patas. Sapagkat nakapagbayad nang malaking halaga sa iyong mga pagsusumikap, magkakaroon ng higit na sigla sa iyong kalooban: Mararamdaman mo na tunay kang nasisiyahan sa pagmamahal ng Diyos, at mauunawaan mo na nagawa na ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa mga tao, na ang Kanyang pagpipino sa mga tao ay upang dalisayin sila, at sinusubok ng Diyos ang mga tao upang masuri kung tunay nga Siyang minamahal ng mga ito. Kung lagi mong isinasagawa ang katotohanan sa ganitong paraan, unti-unti kang makabubuo ng isang malinaw na kabatiran ng karamihan sa gawain ng Diyos, at sa pagkakataong iyon ay mararamdaman mo na ang mga salita ng Diyos na kinakaharap mo ay kasing linaw ng kristal. Kung kaya mong malinaw na maunawaan ang maraming katotohanan, mararamdaman mo na ang lahat ng bagay ay madaling maisagawa, na makakaya mong mapagtagumpayan ang anumang usapin at madaig ang anumang tukso, at makikita mo na walang anumang suliranin para sa iyo, na labis na magpapalaya at magpapaalpas sa iyo. Sa sandaling ito, matatamasa mo ang pagmamahal ng Diyos, at ang tunay na pagmamahal ng Diyos ay darating sa iyo. Pinagpapala ng Diyos ang mga taong may mga pananaw, may katotohanan, may kaalaman, at tunay na nagmamahal sa Kanya. Kung nais ng mga tao na mamasdan ang pag-ibig ng Diyos, dapat nilang isagawa ang katotohanan sa tunay na buhay, dapat ay handa sila na tiisin ang sakit at talikuran ang kanilang minamahal upang malugod ang Diyos, at sa kabila ng mga luha sa kanilang mga mata, dapat pa rin nilang magawa na magbigay-lugod sa puso ng Diyos. Sa ganitong paraan, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at kung matitiis mo ang paghihirap na tulad nito, susundan ito ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa pamamagitan ng tunay na buhay, at sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos, nakikita ng mga tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at kapag natikman lamang nila ang pagmamahal ng Diyos ay saka nila Siya tunay na mamahalin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 501

Ang mga nagmamahal sa Diyos ay ang mga nagmamahal sa katotohanan, at habang lalo itong isinasagawa ng mga nagmamahal sa katotohanan, mas nagkakaroon sila ng marami nito; habang mas isinasagawa nila ito, mas nagkakaroon sila ng higit pang pagmamahal ng Diyos; at habang mas isinasagawa nila ito, mas pinagpapala sila ng Diyos. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, ang pag-ibig ng Diyos ay unti-unti kang bibigyang-kakayahan na makakilatis, tulad nang makilala ni Pedro ang Diyos: Sinabi ni Pedro na ang Diyos ay hindi lamang nagtataglay ng karunungang likhain ang langit at lupa at lahat ng bagay, kundi higit pa rito ay may karunungan din Siya na gawin ang praktikal na gawain sa mga tao. Sinabi ni Pedro na hindi lamang Siya karapat-dapat sa pag-ibig ng mga tao dahil sa Kanyang paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ngunit, higit pa rito, dahil sa Kanyang kakayahang likhain ang tao, iligtas ang tao, gawing perpekto ang tao, at ipagkaloob ang Kanyang pag-ibig sa tao. Kaya sinabi rin ni Pedro na maraming bagay na taglay ng Diyos ang karapat-dapat sa pag-ibig ng tao. Sinabi ni Pedro kay Jesus: “Ang paglikha ba ng langit at lupa at lahat ng bagay ang tanging dahilan upang maging karapat-dapat Ka sa pag-ibig ng mga tao? Marami Ka pang tinataglay na kaibig-ibig. Gumaganap at kumikilos Ka sa tunay na buhay, inaantig ng Iyong Espiritu ang kalooban ko, dinidisiplina Mo ako, sinasaway Mo ako—higit pang karapat-dapat ang mga bagay na ito sa pag-ibig ng mga tao.” Kung nais mong makita at maranasan ang pag-ibig ng Diyos, kung gayon ay dapat kang tumuklas at maghanap sa tunay na buhay at dapat maging handang isantabi ang iyong sariling laman. Dapat mong gawin ang kapasyahang ito. Dapat kang maging isang taong may determinasyon na magagawang magbigay-lugod sa Diyos sa lahat ng bagay, nang hindi nagiging tamad o nag-iimbot sa mga kasiyahan ng laman, nang hindi nabubuhay para sa laman kundi nabubuhay para sa Diyos. Marahil ay hindi mo nabibigyang-lugod ang Diyos sa pagkakataong ito. Iyon ay dahil sa hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos; sa susunod, mangailangan man ito ng higit pang pagsisikap, dapat mo Siyang bigyang-kaluguran at hindi dapat bigyang-kasiyahan ang laman. Kapag naranasan mo ito sa ganitong paraan, makikilala mo na ang Diyos. Makikita mo na kayang likhain ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, na Siya ay nagkatawang-tao upang tunay Siyang makita ng mga tao at tunay na makisalamuha sa Kanya; makikita mo na nagagawa Niyang lumakad sa gitna ng mga tao, na makakaya ng Kanyang Espiritu na gawing perpekto ang mga tao sa tunay na buhay, na nagtutulot sa kanila na makita ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at danasin ang Kanyang pagdidisiplina, ang Kanyang pagtutuwid, at ang Kanyang mga biyaya. Kung lagi kang nakadaranas sa ganitong paraan, hindi ka mawawalay sa Diyos sa tunay na buhay, at kung isang araw ay naging hindi na normal ang ugnayan mo sa Diyos, magagawa mong sumailalim sa paninisi at makaramdam ng pagsisisi. Kung may normal kang relasyon sa Diyos, hindi mo na nanaisin kailanman na iwan ang Diyos, at kung dumating ang araw na sabihin ng Diyos na iiwan ka Niya, matatakot ka, at sasabihin na nanaisin mo pang mamatay kaysa iwan ng Diyos. Sa sandaling may ganito ka nang mga damdamin, mararamdaman mo na hindi mo kayang lisanin ang Diyos, at sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng isang pundasyon, at tunay na matatamasa ang pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 502

Madalas magsabi ang mga tao na hinahayaan nila na ang Diyos ang kanilang maging buhay, ngunit hindi pa umaabot sa puntong iyon ang kanilang karanasan. Sinasabi mo lamang na ang Diyos ang iyong buhay, na ginagabayan ka Niya araw-araw, na kinakain at iniinom mo ang Kanyang mga salita sa bawat araw, at nananalangin ka sa Kanya bawat araw, kaya’t Siya na ang naging buhay mo. May kababawan ang kabatiran ng mga nagsasabi nito. Walang pundasyon ang marami sa mga tao; naitanim na sa kanilang kalooban ang mga salita ng Diyos, ngunit hindi pa sumisibol ang mga ito, at lalong hindi pa namumunga ang mga ito. Ngayon, hanggang saan na ang iyong naranasan? Ngayon lang, matapos kang pilitin ng Diyos na makarating hanggang dito, nararamdaman mo bang hindi mo kayang iwan ang Diyos. Isang araw, kapag umabot na sa isang tiyak na punto ang iyong karanasan, kung paaalisin ka ng Diyos, hindi mo ito magagawa. Lagi mong mararamdaman na hindi mo kaya na wala ang Diyos sa iyong kalooban; makakaya mong walang asawa, o mga anak, walang pamilya, walang ina o ama, walang mga kasiyahan ng laman, ngunit hindi mo makakaya na wala ang Diyos. Ang pagiging walang Diyos ay magiging katulad ng pagkawala ng iyong buhay; hindi mo magagawang mabuhay nang walang Diyos. Kapag hanggang sa puntong ito na ang naranasan mo, naging matagumpay ka na sa pananampalataya mo sa Diyos, at sa ganitong paraan, ang Diyos na ang magiging buhay mo, Siya na ang magiging pundasyon ng iyong buhay. Hindi mo na kailanman magagawa pang muling iwan ang Diyos. Kapag nakaranas ka na hanggang sa puntong ito, natamasa mo na talaga ang pag-ibig ng Diyos, at kapag may sapat ang pagiging malapit mo sa Diyos, Siya na ang iyong magiging buhay, ang iyong pag-ibig, at pagsapit ng panahong iyan, mananalangin ka sa Diyos at magsasabi: “O Diyos! Hindi Kita makakayang iwan. Ikaw ang aking buhay. Makakaya kong magpatuloy nang wala ang kahit ano pa man—ngunit kung wala Ka, hindi ko makakayang patuloy na mabuhay.” Ito ang tunay na tayog ng mga tao; ito ang tunay na buhay. Napilitan ang ilang tao na makarating hanggang sa layo ng narating nila ngayon: Kailangan nilang magpatuloy naisin man nila o hindi, at lagi nilang nararamdaman na parang naiipit sila sa mga napakahirap na kalagayan. Dapat mong maranasan na ang Diyos ay ang iyong buhay, na kung ilalayo ang Diyos sa iyong puso, matutulad ito sa pagkawala ng iyong buhay; dapat maging buhay mo ang Diyos, at wala ka dapat kakayahang iwan Siya. Sa ganitong paraan, totohanan mo nang mararanasan ang Diyos, at sa oras na ito, kapag minahal mo ang Diyos, tunay mong mamahalin ang Diyos, at ito ay magiging isang natatangi at dalisay na pagmamahal. Isang araw, kapag sa mga ganoong karanasan ay nakaabot na ang iyong buhay sa isang tiyak na punto, kapag ikaw ay nananalangin sa Diyos, at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, hindi mo magagawang alisin ang Diyos sa iyong kalooban, ni hindi mo magagawang kalimutan Siya kahit na ibig mo. Naging buhay mo na ang Diyos; maaari mong kalimutan ang mundo, maaari mong kalimutan ang iyong asawa, o mga anak, ngunit magkakaroon ka ng suliranin sa paglimot sa Diyos—ang gawin iyon ay imposible, ito ay ang iyong tunay na buhay, at ang iyong tunay na pag-ibig sa Diyos. Kapag umabot na sa isang partikular na punto ang pagmamahal ng mga tao sa Diyos, wala nang ibang makapapantay sa pagmamahal nila sa Diyos; nangunguna ang pagmamahal nila sa Diyos. Sa ganitong paraan, nagagawa mong isuko ang lahat ng iba pang bagay, at handa kang tanggapin ang lahat ng pagpupungos mula sa Diyos. Kapag nakamit mo na ang pagmamahal sa Diyos na humihigit sa lahat, mamumuhay ka sa realidad at sa pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 503

Sa sandaling ang Diyos ay maging buhay ng mga tao, hindi na nila magagawang talikuran ang Diyos. Hindi ba ito ang gawa ng Diyos? Wala nang hihigit pang patotoo! Gumawa ang Diyos hanggang sa isang partikular na punto; nagsalita na Siya upang maglingkod ang mga tao, para makastigo o mamatay, at hindi umurong ang mga tao, na nagpapakita na nalupig na sila ng Diyos. Sa kanilang tunay na mga karanasan, ang mga taong may katotohanan ay ang mga kayang manindigan sa kanilang patotoo, manindigan sa kanilang kalagayan, tumayo sa panig ng Diyos, nang hinding-hindi umaatras, at kayang magkaroon ng normal na ugnayan sa mga taong nagmamahal sa Diyos, na sakali mang mangyari ang mga bagay-bagay sa kanila ay magagawang lubos na magpasakop sa Diyos, at kayang magpasakop sa Diyos hanggang kamatayan. Ang iyong pagsasagawa at mga pahayag sa tunay na buhay ay ang patotoo sa Diyos, ang mga ito ang pagsasabuhay at patotoo Diyos ng tao, at ito ang tunay na pagtatamasa sa pagmamahal ng Diyos; kapag nakaranas ka hanggang sa puntong ito, ang nararapat na bisa ay nakamit na. Nagtataglay ka ng aktuwal na pagsasabuhay, at ang bawat kilos mo ay tinitingala ng iba nang may paghanga. Pangkaraniwan ang iyong pananamit at panlabas na anyo, ngunit isinasabuhay mo ang isang buhay na may sukdulang debosyon, at kapag nagbabahagi ka tungkol sa mga salita ng Diyos, ginagabayan at nililiwanagan ka Niya. Nagagawa mong sabihin ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga salita, magbahagi ng mga realidad, at marami kang nauunawaan tungkol sa paglilingkod nang may diwa. Kalmado ang iyong pananalita, ikaw ay disente at matuwid, ayaw sa hidwaan at maginoo, nagagawang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos at naninindigan sa iyong patotoo kapag may nangyayari sa iyo, at ikaw ay payapa at mahinahon anuman ang kinakaharap mo. Ang ganitong uri ng tao ay nakakita na talaga sa pag-ibig ng Diyos. May ilang tao na bata pa, ngunit kumikilos sila na tila may-edad na; may isip na sila, nagtataglay ng katotohanan, at hinahangaan ng iba—at ito ang mga taong may patotoo, at mga pagpapamalas ng Diyos. Sa madaling salita, kapag nakaranas na sila hanggang sa isang partikular na punto, magkakaroon sa kanilang kalooban ng isang pananaw sa Diyos, at ang kanilang panlabas na disposisyon ay magiging matatag rin. Maraming tao ang hindi nagsasagawa ng katotohanan, at hindi naninindigan sa kanilang patotoo. Walang pag-ibig sa Diyos o patotoo sa Diyos ang mga taong tulad nito, at ito ang mga tao na pinakakinamumuhian ng Diyos. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, ngunit ang kanilang isinasabuhay ay si Satanas, at ito ay pagbibigay-kahihiyan sa Diyos, paninirang-puri sa Diyos, at paglapastangan sa Diyos. Sa ganoong mga tao, walang tanda ng pagmamahal ng Diyos, at walang-wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya’t ang mga salita at kilos ng mga tao ay kumakatawan kay Satanas. Kung laging payapa ang iyong puso sa harap ng Diyos, at lagi kang nagbibigay-pansin sa mga tao at sa mga bagay sa paligid mo, at sa mga nangyayari sa paligid mo, at kung nagsasaalang-alang ka sa pasanin ng Diyos, at laging may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay malimit na bibigyang-liwanag ng Diyos ang iyong kalooban. May mga tao sa iglesia na mga “tagapangasiwa”: sinisimulan nila ang masugid na pagmamatyag sa mga kamalian ng iba, at saka ginagaya at tinutularan ang mga ito. Hindi nila kayang makita ang pagkakaiba, hindi sila nasusuklam sa kasalanan, at hindi namumuhi o nakararamdam ng pagkainis sa mga bagay-bagay ni Satanas. Ang ganoong mga tao ay puno ng mga bagay-bagay ni Satanas, at sa huli ay lubusan silang tatalikuran ng Diyos. Dapat laging may takot ang iyong puso sa harap ng Diyos, dapat kang maging mahinahon sa iyong mga salita at mga kilos, at hindi kailanman magnais na labanan o biguin ang Diyos. Hindi ka dapat pumayag kailanman na mauwi sa wala ang gawain ng Diyos sa iyo, o tulutan ang lahat ng paghihirap na tiniis mo at ang lahat ng isinagawa mo na mauwi sa wala. Handa ka dapat na higit na magsikap at higit na ibigin ang Diyos sa landas na tatahakin. Ito ang mga taong ang pananaw ay ang kanilang pundasyon. Sila ang mga taong naghahangad ng pagsulong.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 504

Kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos, at nararanasan ang mga salita ng Diyos nang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon ay makikita sa ganoong mga tao ang pagliligtas ng Diyos at ang pag-ibig ng Diyos. Nagagawa ng mga taong ito na magpatotoo sa Diyos; isinasabuhay nila ang katotohanan, at ang kanilang pinatototohanan ay ang katotohanan din, kung ano ang Diyos at ang disposisyon ng Diyos. Namumuhay sila sa gitna ng pagmamahal ng Diyos at nakita nila ang pagmamahal ng Diyos. Kung nais ng mga tao na mahalin ang Diyos, dapat nilang matikman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos; sa gayon lamang makakayang gisingin sa kanila ang isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at isang pusong tapat na ginugugol ang mga sarili nila sa Diyos. Hindi ginagawa ng Diyos na mahalin Siya ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita o kanilang imahinasyon, at hindi Niya pinipilit ang mga tao na mahalin Siya. Sa halip, hinahayaan Niyang kusang-loob na ibigin nila Siya, at hinahayaan Niya na makita nila sa Kanyang gawain at mga pagbigkas ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, at matapos nito ay sumisibol sa kanila ang pagmamahal sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan maaaring tunay na magpatotoo ang mga tao sa Diyos. Hindi minamahal ng mga tao ang Diyos dahil nahimok sila ng iba na gawin ito, at hindi rin ito panandaliang bugso ng damdamin. Minamahal nila ang Diyos sapagkat nakita na nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, nakita nila na marami sa Kanya ang karapat-dapat na mahalin ng mga tao, sapagkat nakita na nila ang pagliligtas, karunungan, at mga kamangha-manghang gawa ng Diyos—at bunga nito, sila ay tunay na nagbibigay-papuri sa Diyos at tunay na nananabik sa Kanya, at may ganoong maalab na damdamin na napupukaw sa kanila na hindi sila mabubuhay nang hindi nakakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit nagagawang magbigay ng matunog na patotoo sa Diyos ang mga taong tunay na nagpapatotoo sa Kanya ay dahil ang kanilang patotoo ay nakasandig sa pundasyon ng tunay na pagkilala at tunay na paghahangad para sa Diyos. Ang ganoong patotoo ay hindi inihahandog sa isang bugso ng damdamin, ngunit ayon sa kanilang pagkakilala sa Diyos at sa Kanyang disposisyon. Dahil nakilala na nila ang Diyos, sa pakiramdam nila ay tiyak na dapat silang magpatotoo sa Diyos, at gawin ang lahat ng nananabik sa Diyos na makilala ang Diyos, at malaman ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang Kanyang pagiging praktikal. Tulad ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos, ang kanilang patotoo ay likas, ito ay tunay, at may tunay na kabuluhan at halaga. Hindi ito pasibo o hungkag at walang-kabuluhan. Ang dahilan kung bakit ang mga tunay na umiibig lamang sa Diyos ang may pinakamataas na halaga at kahulugan sa kanilang mga buhay, at sila lamang ang tunay na nananampalataya sa Diyos, ay dahil nagagawa ng mga taong ito na mamuhay sa liwanag ng Diyos at nagagawa nilang mamuhay para sa gawain at pamamahala ng Diyos. Ito ay dahil hindi sila namumuhay sa kadiliman, kundi namumuhay sila sa liwanag; hindi sila namumuhay nang walang-kahulugang mga buhay, bagkus ay mga buhay na pinagpala ng Diyos. Tanging ang mga nagmamahal sa Diyos ang makakapagpatotoo sa Diyos, sila lamang ang mga saksi ng Diyos, sila lamang ang pinagpala ng Diyos, at sila lamang ang nagagawang tumanggap ng mga pangako ng Diyos. Ang mga nagmamahal sa Diyos ay mga kapalagayang-loob ng Diyos; sila ang mga tao na minamahal ng Diyos, at matatamasa nila ang mga pagpapala kasama ng Diyos. Ang mga taong tulad lamang nito ang mabubuhay hanggang sa kawalang-hanggan, at sila lamang ang mabubuhay magpakailanman sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ang Diyos ay para mahalin ng tao, at karapat-dapat Siya sa pagmamahal ng lahat ng tao, ngunit hindi lahat ng tao ay may kakayahang mahalin ang Diyos, at hindi lahat ng tao ay makakayang magpatotoo sa Diyos at humawak ng kapangyarihan kasama ng Diyos. Dahil nagagawa nilang magpatotoo sa Diyos, at maglaan ng lahat ng kanilang mga pagsisikap sa gawain ng Diyos, ang mga taong tunay na umiibig sa Diyos ay maaaring maglakad saanman sa ilalim ng mga kalangitan nang walang sinumang mangangahas na labanan sila, at makakaya nilang humawak ng kapangyarihan sa lupa at pamunuan ang lahat ng tao ng Diyos. Nagsasama-sama ang mga taong ito mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Sila ay mga tao mula sa buong daigdig na nagsasalita ng iba’t ibang wika at may iba’t ibang kulay ng balat, ngunit ang kahalagahan ng kanilang pag-iral ay pareho; silang lahat ay may mapagmahal-sa-Diyos na puso, silang lahat ay nagtataglay ng magkakatulad na patotoo, at may magkakatulad na determinasyon, at magkakatulad na minimithi. Makapaglalakad nang malaya sa buong mundo ang mga umiibig sa Diyos, at makapaglalakbay sa buong sansinukob ang mga taong nagpapatotoo sa Diyos. Minamahal ng Diyos ang mga taong ito, pinagpapala sila ng Diyos, at mabubuhay sila magpakailanman sa Kanyang liwanag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagmamahal sa Diyos ay Mabubuhay Magpakailanman sa Kanyang Liwanag

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 505

Gaano mo kamahal ang Diyos sa ngayon? At gaano ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng nagawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga aral na dapat mong matutunan. Kapag dumarating ang Diyos sa lupa, lahat ng Kanyang ginagawa sa tao at itinutulot na makita ng tao ay upang mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa isa pang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; lalo pa, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na naisagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na mamahalin ang Diyos. Kapag mas malaki ang gawain ng Diyos sa tao, kapag mas nagdurusa ang tao, mas lalo nitong naipakikita kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano natatamo ang aral ng pagmamahal sa Diyos? Kung walang pagdurusa at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ibinigay ng Diyos sa tao ay biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa—makaaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay walang kabuluhan, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman, at walang halaga; sa kabilang dako, sa panahon ng mga pagsubok, naghahanda ang Diyos ng ilang kapaligiran para sa tao upang sa loob ng mga ito, mas mararanasan ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi makayanan—hanggang sa antas ng malubhang pagdadalamhati—nang naranasan na ito, nakikita ng tao kung gaano kakaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang nagkakaroon ang tao ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, pag-ibig, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang malaman ang diwa ng tao. Sa pamamagitan lamang kapwa ng pagpipino at paghatol ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, maaaring malaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinayo sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi mo pa nakakamit ang Diyos, at ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi maituturing na matagumpay. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, pag-ibig, at awa. Sa mga karanasan ng tao, nararanasan niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang pag-ibig at awa ng Diyos, ngunit sa pagdanas sa loob ng ilang panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang pag-ibig at awa ay walang kapabilidad na gawing perpekto ang tao, walang kapabilidad na ilantad iyong tiwali sa kalooban ng tao, at walang kakayahang alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananalig. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 506

Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatanggihan sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at mapanglaw ang kinabukasan nila. Nagdurusa ang ilang tao hanggang sa isang partikular na antas, gusto pa ngang mamatay. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kakayahan! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin; bukod dito, hindi ka magkakaroon ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakataas ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang nasa iyo na hindi kayang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong ilaan ang lahat sa pagpapalugod sa Diyos.” Kapag lalo mong pinalulugod ang Diyos, lalo kang pagpapalain ng Diyos, at lalong titindi ang pagmamahal mo sa Diyos; kaya, gayundin, magkakaroon ka ng pananalig at paninindigan, at madarama mo na walang mas mahalaga o makabuluhan kaysa sa isang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos. Masasabi na kailangan lang mahalin ng tao ang Diyos para hindi siya malulungkot. Bagama’t may mga pagkakataon na nanghihina ang iyong laman at naliligiran ka ng maraming totoong problema, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, kung gayon, sa kalooban ng iyong espiritu ikaw ay aaluin, makadarama ka ng kapanatagan, at magkakaroon ka ng isang bagay na maaasahan. Sa ganitong paraan, madaraig mo ang maraming sitwasyon, kaya nga hindi ka na magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa dalamhating dinaranas mo. Sa halip, gugustuhin mong umawit, sumayaw, at magdasal, makipagtipon at makipagbahaginan, isipin ang Diyos, at madarama mo na lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, lahat ng makikita mo ay makakayamot sa iyo at walang magiging kaaya-aya sa iyong mga mata; hindi ka magiging malaya sa iyong espiritu bagkus ay napipigilan, laging magrereklamo ang puso mo tungkol sa Diyos, at lagi mong madarama na napakarami mong pinagdurusahan, at na hindi iyon makatarungan. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang mapalugod ang Diyos at hindi maakusahan ni Satanas, ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding lakas na mahalin ang Diyos. Naisasagawa ng tao ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at lahat ng ginagawa niya ay nagpapalugod sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng magtaglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugod ang Diyos ay nangangahulugan ng paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang maisagawa ang Kanyang mga salita; anumang oras—kahit walang lakas ang iba—sa loob mo ay mayroon pa ring isang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at sa kaibuturan mo, nananabik at nangungulila ka sa Diyos. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng tinataglay mong mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit sa iyo ang isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katunayan ay magpapakita kung ano ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang mahal ng Diyos ang tao, bagama’t hindi pa ganap na mulat ang mga mata ng espiritu ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang mga layunin, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Nanampalataya ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang pagpipilian kundi tahakin ang tamang landas, at ang mabagsik na paghatol at sukdulang pagliligtas ng Diyos ang umaakay sa iyo papunta sa tamang landas. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Sa pagdanas nito hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang kulang sa tao. Kailangang maranasan ng tao ang higit pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang higit pa sa pagpipino sa pamamagitan ng lahat ng pagdurusang inihanda ng Diyos para sa kanya. Saka lamang mababago ang buhay disposisyon ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 507

Lahat kayo ay nasa gitna ng pagsubok at pagpipino. Paano ninyo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pagdanas ng pagpipino, nagagawa ng mga tao na mag-alay ng tunay na papuri sa Diyos, at sa gitna ng pagpipino, nakikita nila na napakalaki ng kanilang pagkukulang. Habang lalong tumitindi ang iyong pagpipino, mas nagagawa mong maghimagsik laban sa laman; habang lalong tumitindi ang pagpipino sa mga tao, lalong mas nadaragdagan ang pag-ibig nila sa Diyos. Ito ang dapat ninyong maunawaan. Bakit dapat mapino ang mga tao? Anong epekto ang nilalayon nitong matamo? Ano ang kabuluhan ng gawain ng pagpipino ng Diyos sa tao? Kung tunay mong hinahanap ang Diyos, sa pagdanas sa Kanyang pagpipino hanggang sa isang partikular na punto ay madarama mo na ito ay napakainam, at na ito ay sukdulang kinakailangan. Paano dapat ibigin ng tao ang Diyos sa panahon ng pagpipino? Sa pamamagitan ng determinasyon na ibigin ang Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagpipino: Sa panahon ng pagpipino ikaw ay nagdurusa sa loob, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa iyong puso, ngunit nakahanda kang mapalugod ang Diyos gamit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at ayaw mong bigyang-layaw ang laman. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Nasasaktan ka sa loob, at ang iyong pagdurusa ay nakarating na sa isang partikular na punto, ngunit nakahanda ka pa ring lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, na sinasabing: “O Diyos! Hindi Kita maaaring iwan. Bagama’t mayroong kadiliman sa loob ko, nais kong mapalugod Ka; kilala Mo ang puso ko, at hinihiling kong magbuhos Ka ng mas maraming pag-ibig Mo sa loob ko.” Ito ang pagsasagawa sa panahon ng pagpipino. Kung gagamitin mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso bilang pundasyon, maaari kang mas mailapit ng pagpipino sa Diyos at gagawin ka nitong mas matalik sa Diyos. Yamang nananampalataya ka sa Diyos, dapat mong isuko ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kung ihahandog at ilalatag mo ang iyong puso sa harap ng Diyos, sa panahon ng pagpipino ay magiging imposible para sa iyo na ikaila ang Diyos, o iwan ang Diyos. Sa ganitong paraan ang iyong relasyon sa Diyos ay magiging lalong mas malapit, at lalong mas normal, at ang iyong pakikipagbahaginan sa Diyos ay magiging lalong mas madalas. Kung palagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, gugugol ka ng mas maraming panahon sa liwanag ng Diyos, at ng mas maraming panahon sa ilalim ng gabay ng Kanyang mga salita. Magkakaroon din ng higit pang mas maraming pagbabago sa iyong disposisyon, at ang iyong kaalaman ay madaragdagan araw-araw. Kapag dumating ang araw na ang mga pagsubok ng Diyos ay biglang sumapit sa iyo, hindi ka lamang makapaninindigan sa panig ng Diyos, ngunit magagawa mo ring magpatotoo sa Diyos. Sa panahong iyon, ikaw ay magiging kagaya ni Job, at ni Pedro. Sa pagpapatotoo sa Diyos iibigin mo Siya nang tunay, at magiging handa kang ialay ang iyong buhay para sa Kanya; ikaw ay magiging saksi ng Diyos, at ang siyang iniibig ng Diyos. Ang pag-ibig na nakaranas na ng pagpipino ay matatag, hindi marupok. Kailan man o paano ka man isinasailalim ng Diyos sa Kanyang mga pagsubok, nagagawa mong isantabi ang iyong mga pag-aalala kung mabubuhay ka ba o mamamatay, handang isantabi ang lahat para sa Diyos, at nagagalak na tiisin ang anuman para sa Diyos—sa ganitong paraan, magiging dalisay ang pag-ibig mo, at magkakaroon ng realidad ang iyong pananalig. Sa gayon ka lamang magiging isang tunay na iniibig ng Diyos, at isang tunay na nagawang perpekto na ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 508

Kung ang mga tao ay nahuhulog sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, wala silang pag-ibig para sa Diyos sa loob nila, at ang kanilang dating mga pangitain, pag-ibig, at determinasyon ay naglaho na. Nadarama noon ng mga tao na dapat silang magdusa para sa Diyos, ngunit sa kasalukuyan iniisip nila na kahiya-hiya ang gawin iyon, at hindi sila nauubusan ng mga reklamo. Ito ang gawain ni Satanas, isang tanda na ang tao ay nahulog na sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kung maharap ka sa ganitong kalagayan, dapat kang manalangin, at baligtarin mo ito sa lalong madaling panahon—iingatan ka nito laban sa mga pag-atake ni Satanas. Sa panahon ng mapait na pagpipino, pinakamadaling mahulog ang tao sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, kaya paano mo dapat ibigin ang Diyos sa panahon ng gayong pagpipino? Dapat mong pukawin ang iyong kalooban, ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos at ilaan ang iyong natitirang sandali sa Kanya. Paano ka man pinipino ng Diyos, dapat mong maisagawa ang katotohanan upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at dapat kang magkusa sa sarili mo na hanapin ang Diyos at hangaring makipagbahaginan. Sa mga panahong kagaya nito, habang lalo kang walang kibo, lalo kang magiging mas negatibo at magiging mas madali para sa iyo na umurong. Kapag kinakailangan mo nang gampanan ang iyong tungkulin, bagama’t hindi mo ito nagagampanan nang maayos, ginagawa mo ang lahat ng iyong makakaya, at ginagawa ito gamit lamang ang walang iba kundi ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso; anuman ang sinasabi ng iba—sinasabi man nilang mahusay ang paggawa mo, o na hindi maganda ang paggawa mo—sa kabuuan, ang iyong mga intensyon ay tama, at hindi ka mapagmagaling, sapagkat ikaw ay kumikilos alang-alang sa Diyos. Kapag mali ang pakahulugan sa iyo ng iba, nagagawa mong manalangin sa Diyos at magsabi ng: “O Diyos! Hindi ko hinihiling na pagtiisan ako ng iba o tratuhin nila ako nang maayos, ni maintindihan o sang-ayunan nila ako. Hinihiling ko lamang na magawa kong ibigin Ka sa puso ko, na mapalagay ako sa aking puso, at na maging malinis ang aking konsensiya. Hindi ko hinihiling na purihin ako ng iba, o tingalain ako; hinahangad ko lamang na mapalugod Ka mula sa aking puso; ginagawa ko ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya, at bagaman ako ay hangal, mangmang, may mahinang kakayahan at bulag, nalalaman ko na Ikaw ay kaibig-ibig, at nakahanda akong ilaan ang lahat ng mayroon ako sa Iyo.” Sa sandaling manalangin ka sa ganitong paraan, lilitaw ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas lalong giginhawa ang iyong pakiramdam sa puso mo. Ito ang kahulugan ng pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos. Habang dumaranas ka, dalawang beses kang mabibigo at isang beses na magtatagumpay, o kung hindi naman ay mabibigo nang limang beses at dalawang beses na magtatagumpay, at habang nakararanas ka sa ganitong paraan, tanging sa gitna ng kabiguan mo magagawang makita ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at matutuklasan kung ano ang kulang sa loob mo. Sa susunod na maharap ka sa gayong mga sitwasyon, dapat kang maging mapagbantay, gawing mahinahon ang iyong mga hakbang, at manalangin nang mas madalas. Unti-unti mong mapapaunlad ang iyong kakayahan na magtagumpay sa gayong mga sitwasyon. Kapag nangyari iyon, naging mabisa ang iyong mga panalangin. Kapag nakita mong naging matagumpay ka sa pagkakataong ito, makakaramdam ka ng kasiyahan sa loob, at kapag nananalangin ka magagawa mong madama ang Diyos, at na ang presensiya ng Banal na Espiritu ay hindi ka nilisan—sa gayon mo lamang malalaman kung paano gumagawa ang Diyos sa iyo. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay magbibigay sa iyo ng landas sa pagdanas. Kung hindi mo isasagawa ang katotohanan, mawawala ang presensiya ng Banal na Espiritu sa loob mo. Ngunit kung isasagawa mo ang katotohanan kapag nakaharap mo ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga sila, bagama’t nasasaktan ang iyong kalooban, sasaiyo ang Banal na Espiritu pagkaraan nito, madarama mo ang presensiya ng Diyos kapag ikaw ay nananalangin, magkakaroon ka ng lakas upang isagawa ang mga salita ng Diyos, at sa panahon ng pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid wala nang magiging mabigat sa iyong konsensiya at ikaw ay mapapanatag, at sa ganitong paraan, magagawa mong mailantad ang iyong nagawa. Anuman ang sabihin ng iba, magagawa mong magkaroon ng isang normal na relasyon sa Diyos, hindi ka malilimitahan ng iba, papaimbabaw ka sa lahat ng bagay—at dahil dito ay maipakikita mo na ang iyong pagsasagawa sa mga salita ng Diyos ay naging mabisa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 509

Habang mas pinipino ng Diyos ang mga tao, mas lalong nagagawang mahalin ng puso ng mga tao ang Diyos. Ang pagdurusa sa kanilang mga puso ay kapaki-pakinabang sa kanilang mga buhay, lalo nilang nagagawang maging tahimik sa harap ng Diyos, ang kanilang relasyon sa Diyos ay mas malapit, at mas makakaya nilang makita ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang pinakadakilang pagliligtas. Si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses, at si Job ay sumailalim sa ilang pagsubok. Kung nais ninyong maperpekto ng Diyos, dapat din kayong sumailalim sa pagpipino nang daan-daang beses—dapat kayong dumaan sa prosesong ito, at umasa sa hakbang na ito—saka lang ninyo magagawang matugunan ang mga layunin ng Diyos at mapeperpekto kayo ng Diyos. Ang pagpipino ang pinakamahusay na paraan kung saan ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao; ang pagpipino at mapapait na pagsubok lamang ang makapagpapalabas ng tunay na pag-ibig para sa Diyos sa puso ng mga tao. Kung walang pagdurusa, walang tunay na pagmamahal ang mga tao para sa Diyos; kung hindi susubukin ang kanilang kalooban, kung hindi sila isasailalim sa tunay na pagpipino, ang kanilang mga puso ay palaging mawawalan ng direksyon. Sa pagkapino hanggang sa isang partikular na punto, makikita mo ang iyong sariling mga kahinaan at mga paghihirap, makikita mo kung gaano karami ang kulang sa iyo, at na hindi mo kayang mapagtagumpayan ang maraming mga suliranin na iyong kinakaharap, at makikita mo kung gaano ka naghimagsik. Sa panahon lamang ng mga pagsubok nagagawa ng mga tao na tunay na malaman ang kanilang totoong mga kalagayan; ang mga pagsubok ay lalong kayang perpektuhin ang mga tao.

Sa buong buhay niya, si Pedro ay dumanas ng pagpipino nang daan-daang beses at sumailalim sa maraming masakit na pagpapanday. Ang pagpipinong ito ang naging pundasyon ng kanyang sukdulang pagmamahal sa Diyos, at ang naging pinakamakabuluhang karanasan sa buong buhay niya. Sa isang banda, nagawa niyang taglayin ang isang sukdulang pagmamahal sa Diyos dahil sa kanyang determinasyong ibigin ang Diyos; higit na mas mahalaga, gayumpaman, ito ay dahil sa pagpipino at pagdurusa na kanyang pinagdaanan. Ang pagdurusang ito ay ang kanyang naging gabay sa landas ng pag-ibig sa Diyos, at ang naging pinakahindi malilimutang bagay para sa kanya. Kung hindi pagdadaanan ng mga tao ang kirot ng pagpipino sa pag-ibig sa Diyos, ang kanilang pag-ibig ay puno ng karumihan at ng kanilang sariling mga kagustuhan; ang pag-ibig na kagaya nito ay puno ng mga ideya ni Satanas, at talagang walang kakayahan na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Ang pagkakaroon ng determinasyon na ibigin ang Diyos ay hindi kagaya ng tunay na pag-ibig sa Diyos. Bagama’t lahat ng kanilang iniisip sa kanilang puso ay alang-alang sa pag-ibig at pagpapalugod sa Diyos, at tila alang-alang sa Diyos at walang anumang mga ideya ng tao, kapag dinadala sa harap Niya ang gayong pagsasagawa ng pagmamahal sa Diyos, hindi Niya ito sinasang-ayunan o pinagpapala. Kahit na ganap na maunawaan at malaman ng mga tao ang lahat ng katotohanan, hindi masasabi na isa itong tanda ng pagmamahal sa Diyos, hindi masasabi na ang mga taong ito ay may realidad ng pagmamahal sa Diyos. Sa kabila ng pagkaunawa sa maraming katotohanan nang hindi sumasailalim sa pagpipino, walang kakayahan ang mga tao na isagawa ang mga katotohanang ito; tanging sa panahon ng pagpipino mauunawaan ng mga tao ang tunay na kahulugan ng mga katotohanang ito, sa gayon lamang tunay na mapahahalagahan ng mga tao ang mas malalim na kahulugan ng mga ito. Sa panahong iyon, kapag muli nilang isinagawa ang mga katotohanang ito, nagagawa na nila ito nang tumpak, at nang naaayon sa mga layunin ng Diyos; sa pagsasagawa nila noong panahong iyon, nababawasan ang sarili nilang mga ideya, ang kanilang katiwaliang pantao ay nababawasan, at ang kanilang mga damdaming pantao ay nababawasan; sa panahon lamang na iyon magiging isang tunay na pagpapamalas ng pagmamahal sa Diyos ang kanilang pagsasagawa. Ang epekto ng katotohanan ng pagmamahal sa Diyos ay hindi natatamo sa pamamagitan ng binigkas na kaalaman o kahandaan ng isipan, at ni hindi ito maaaring matamo sa pamamagitan ng pag-unawa lamang sa katotohanang iyon. Hinihingi nitong magbayad ng halaga ang mga tao, na sila ay sumailalim sa maraming pasakit sa panahon ng pagpipino, at sa gayon lamang magiging dalisay ang kanilang pag-ibig at naaayon sa mga layunin ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 510

Nahaharap sa kalagayan ng tao at saloobin ng tao sa Diyos, gumawa ang Diyos ng bagong gawain, na nagpahintulot sa tao na makamit kapwa ang pagkakilala sa Kanya at pagpapasakop sa Kanya, at kapwa pag-ibig at patotoo. Kaya, kailangang maranasan ng tao ang pagpipino ng Diyos sa kanya, gayundin ang paghatol ng Diyos, at pagpupungos sa tao, kung wala ng mga ito ay hindi kailanman makikilala ng tao ang Diyos, at hindi kailanman makakaya na tunay na umibig at magpatotoo sa Kanya. Ang pagpipino ng Diyos sa tao ay hindi lamang para sa magiging epekto sa isang aspekto, ngunit para sa magiging epekto sa iba’t ibang aspekto. Kaya ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpipino sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan, upang ang determinasyon at pag-ibig nila ay magawang perpekto ng Diyos. Sa kanila na nakahandang hanapin ang katotohanan at nananabik sa Diyos, walang anuman ang mas makahulugan, o lubhang makatutulong, kaysa sa pagpipino na kagaya nito. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi madaling nauunawaan o naaarok ng tao, sapagkat ang Diyos, sa bandang huli, ay Diyos. Sa huli, imposible para sa Diyos na magkaroon ng kaparehong disposisyon kagaya ng sa tao, at kaya hindi madali para sa tao na maunawaan ang Kanyang disposisyon. Ang katotohanan ay hindi likas na taglay ng tao, at hindi madaling maunawaan ng mga ginawang tiwali ni Satanas; ang tao ay walang katotohanan, at walang determinasyon na isagawa ang katotohanan, at kung hindi siya nagdurusa at hindi pinipino o hinahatulan, ang kanyang determinasyon ay hindi magagawang perpekto kailanman. Para sa lahat ng tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang malinaw ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming praktikal na pagpupungos. Sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, higit na nakikilala ng tao ang kanyang sarili at higit na nalalaman ang katotohanan, at higit na nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa gayon ay tinutulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pagmamahal sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng gawain ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, hindi rin Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, ni hindi rin ito nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng paggawang bago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, paggawang bago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, paggawang bago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at paggawang bago sa kanyang buong buhay. Ang pagpipino ay isang praktikal na pagsubok sa tao, at isang uri ng praktikal na pagsasanay, at sa panahon lamang ng pagpipino magagampanan ng kanyang pag-ibig ang likas nitong tungkulin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 511

Kung nananampalataya ka sa Diyos, kailangan mong magpasakop sa Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod pa rito, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapungusan, madisiplina, at mahatulan, kung ang kaya mo lamang ay tamasahin ang Diyos ngunit hindi mo nararamdaman kapag dinidisiplina o pinupungusan ka ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, nagagawa mong manindigan, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay hindi tumitigil kailanman at walang katapusan. Ang tingin ng mga tao sa pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napagtatanto nila na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas lalong magtataglay sila ng mapagmahal-sa-Diyos na puso, at lalong mabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanila. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang tataglayin niyang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanya. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas malalim ang magiging paglago ng kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananalig sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, makikita mo na iyong mga tao na sumasailalim sa labis na pagpipino at pagdurusa, na pinupungusan at dinidisiplina nang husto, ay may masidhing pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na pagkakilala sa Diyos, at ang mga hindi pa nakaranas na mapungusan ay may mababaw lamang na pagkakilala. Ang masasabi lamang nila ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang matamasa nila Siya.” Kung naranasan ng mga tao na mapungusan at madisiplina, nagagawa nilang magsalita tungkol sa tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi mo ito maarok at mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas dakila ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas dakila ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya. Ngayong mga huling araw, ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas. Talaga bang madali iyong magwawakas? Kapag nalupig na Niya ang sangkatauhan, matatapos na ba ang Kanyang gawain? Ganoon ba iyon kasimple? Iniisip ng mga tao na ganoon nga iyon kasimple, ngunit ang ginagawa ng Diyos ay hindi napakasimple. Ang bawat bahagi ng gawain na ginagawa ng Diyos ay hindi maarok ng tao. Kung nagawa mong arukin ito, mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay di-maarok; lubos itong salungat sa iyong mga kuru-kuro, at kapag mas hindi ito kaayon ng iyong mga kuru-kuro, mas ipinakikita nito na makabuluhan ang gawain ng Diyos; kung kaayon ito ng iyong mga kuru-kuro, mawawalan ito ng kabuluhan. Ngayon, nadarama mo na ang gawain ng Diyos ay lubhang kamangha-mangha, at kapag mas kamangha-mangha ito sa pakiramdam mo, mas nadarama mo na ang Diyos ay di-maarok, at nakikita mo kung gaano kadakila ang mga gawa ng Diyos. Kung ang tanging ginawa Niya ay mababaw at pabaya na gawain upang lupigin ang tao at wala na Siyang ibang ginawa pagkatapos, mawawalan ng kakayahan ang tao na mamasdan ang kabuluhan ng gawain ng Diyos. Bagama’t tumatanggap ka ngayon ng kaunting pagpipino, malaki ang pakinabang nito sa iyong paglago sa buhay; kaya’t napakahalagang dumanas kayo ng gayong paghihirap. Ngayon, tumatanggap ka ng kaunting pagpipino, ngunit pagkatapos ay tunay mong mamamalas ang mga gawa ng Diyos, at sasabihin mo sa huli: “Lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos!” Ito ang sasambitin ng puso mo. Pagkaranas nila ng pagpipino ng Diyos sa loob ng ilang panahon (ang pagsubok sa mga tagapagserbisyo at ang panahon ng pagkastigo), sinabi ng ilang tao sa huli: “Mahirap talagang manampalataya sa Diyos!” Ang katunayan na ginamit nila ang mga salitang, “mahirap talaga,” ay nagpapakita na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang gawain ng Diyos ay may dakilang kabuluhan at halaga, at na ang Kanyang gawain ay lubhang karapat-dapat na pahalagahan ng tao. Kung, pagkatapos Kong gumawa ng napakaraming gawain, wala ka ni katiting na pagkakilala, magkakaroon pa ba ng halaga ang Aking gawain? Sasabihin mo dahil dito na: “Mahirap talagang maglingkod sa Diyos, lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos, at talagang marunong ang Diyos! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig!” Kung, matapos sumailalim sa isang panahon ng karanasan, nagagawa mong sabihin ang mga salitang iyon, pinatutunayan nito na nakamit mo na ang gawain ng Diyos sa iyong kalooban. Balang araw, habang ipinapangaral mo ang ebanghelyo sa ibang bansa at may nagtanong sa iyo: “Kumusta ang pananalig mo sa Diyos?” masasabi mong: “Ang mga kilos ng Diyos ay lubhang kagila-gilalas!” Madarama niya na ang iyong mga salita ay nagpapahayag ng mga praktikal na karanasan. Ito ang tunay na pagpapatotoo. Sasabihin mo na puno ng karunungan ang gawain ng Diyos, at ang Kanyang gawain sa iyo ay totoong nakakumbinsi sa iyo at nakalupig sa puso mo. Palagi mo Siyang mamahalin dahil higit Siyang karapat-dapat sa pagmamahal ng sangkatauhan! Kung masasabi mo ang mga bagay na ito, maaantig mo ang puso ng mga tao. Lahat ng ito ay pagpapatotoo. Kung nagagawa mong magbigay ng matunog na patotoo, na paluhain ang mga tao, ipinakikita nito na talagang isa kang taong nagmamahal sa Diyos, sapagkat nagagawa mong patotohanan ang pagmamahal sa Diyos, at sa pamamagitan mo, mapapatotohanan ang mga kilos ng Diyos. Sa iyong patotoo, nahihikayat ang iba na hanapin ang gawain ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at sa anumang sitwasyong nararanasan nila, magagawa nilang manindigan. Ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tunay na patotoo, at ito mismo ang hinihingi sa iyo ngayon. Dapat mong makita na lubhang mahalaga ang gawain ng Diyos at karapat-dapat itong pahalagahan ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang mahalaga at sagana; hindi lamang Siya nakapagsasalita, kundi nahahatulan din Niya ang mga tao, napipino ang kanilang puso, nadudulutan sila ng kagalakan, nakakamit sila, nalulupig sila, at nagagawa silang perpekto. Mula sa iyong karanasan makikita mo na ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig. Kaya gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? Masasabi mo ba talaga ang mga bagay na ito nang taos-puso? Kapag nagagawa mong ipahayag ang mga salitang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, magagawa mong magpatotoo. Kapag nakaabot na sa antas na ito ang iyong karanasan makakaya mong magpatotoo sa Diyos, at magiging kalipikado ka na gawin iyon. Kung hindi ka umaabot sa antas na ito sa iyong karanasan, napakalayo mo pa rin. Normal para sa mga tao na magpakita ng mga kahinaan sa proseso ng pagpipino, ngunit pagkatapos ng pagpipino dapat mong masabi na: “Napakarunong ng Diyos sa Kanyang gawain!” Kung tunay na nagagawa mong magtamo ng praktikal na pagkaunawa sa mga salitang ito, ito ay magiging mahalaga sa iyo, at ang iyong karanasan ay magkakaroon ng halaga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 512

Ano ang dapat mong hangarin ngayon? Kaya mo mang magpatotoo sa gawain ng Diyos o hindi, nagagawa mo mang maging isang patotoo at isang pagpapamalas ng Diyos o hindi, at angkop ka mang kasangkapanin Niya o hindi—ito ang mga bagay na dapat mong hangarin. Gaano karaming gawain ba ang talagang nagawa sa iyo ng Diyos? Gaano karami ba ang iyong nakita, gaano karami ang iyong naarok? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Ikaw man ay nasubok, napungusan, o nadisiplina ng Diyos, ang Kanyang mga kilos at gawain ay naisagawa na sa iyo. Ngunit bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang taong handang hangarin na magawa Niyang perpekto, nagagawa mo bang magpatotoo sa gawain ng Diyos batay sa iyong praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong praktikal na karanasan? Nagagawa mo bang maglaan para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan, at gugulin ang iyong buong buhay sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, pagkilala, at halagang binayad. Saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga layunin. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka ba ng ganitong kapasyahan? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang imahe ng Kanyang mga tao na hinihingi Niya, isa kang saksi para sa Diyos. Paano ka nga ba nagpapatotoo sa Diyos? Kung hinahanap at kinasasabikan mong isabuhay ang salita ng Diyos, at magpatotoo gamit ang sarili mong bibig, upang malaman ng mga tao ang Kanyang gawain at makita ang Kanyang mga gawa—kung tunay mong hinahangad ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakahuli, hindi dalisay ang perspektiba ng iyong pananalig sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang mga layunin, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo sa kung paano ka Niya dinidisiplina at pinupungusan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang mapagmahal-sa-Diyos na puso mo ay para lamang makapagkamit ka ng kaluwalhatian kasama ang Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga hinihingi ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo sa gawain ng Diyos, matugunan ang Kanyang mga hinihingi, at maranasan ang gawaing Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o kalungkutan, kailangan mong praktikal na maranasan ang lahat ng bagay na ito. Layon ng mga ito na gawin kang perpekto bilang isang saksi ng Diyos. Ano nga ba, talaga, ang pumipilit sa iyo ngayon na magdusa at maghangad ng pagiging naperpekto? Ang kasalukuyan mo bang pagdurusa ay alang-alang talaga sa pagmamahal sa Diyos at pagpapatotoo sa Kanya? O alang-alang sa mga pagpapala ng laman, para sa iyong mga inaasam sa hinaharap at kapalaran? Lahat ng layunin, motibasyon, at mithiing hinahangad mong matamo ay kailangang maituwid at hindi maaaring gabayan ng iyong sariling kalooban. Kung hinahangad ng isang tao ang pagiging naperpekto upang tumanggap ng mga pagpapala at maghari nang may kapangyarihan, samantalang hinahangad ng isa pang tao ang pagiging naperpekto upang mapalugod ang Diyos, upang magbigay ng praktikal na patotoo sa gawain ng Diyos, alin sa dalawang paraang ito ng paghahangad ang pipiliin mo? Kung pipiliin mo ang una, napakalayo mo pa rin sa mga pamantayan ng Diyos. Sinabi Kong minsan na mahahayag sa buong sansinukob ang Aking mga kilos at na Ako ay mamamahala bilang Hari sa sansinukob. Sa kabilang dako, ang naipagkatiwala sa inyo ay ang lumabas upang magpatotoo sa gawain ng Diyos, hindi upang maging mga hari at magpakita sa buong sansinukob. Hayaang punuin ng mga gawa ng Diyos ang buong kosmos at kalangitan. Hayaang makita at kilalanin ng lahat ang mga ito. Binabanggit ang mga salitang ito patungkol sa Diyos Mismo, at ang dapat gawin ng mga tao ay ang magpatotoo sa Diyos. Gaano karami na ngayon ang alam mo tungkol sa Diyos? Gaano karami na ang mapapatotohanan mo tungkol sa Diyos? Ano ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao? Kapag naunawaan mo na ang mga layunin ng Diyos, paano ka dapat magpakita ng pagsasaalang-alang sa Kanyang mga layunin? Kung handa kang magawang perpekto at magpatotoo sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng iyong isinasabuhay, kung ito ang nag-uudyok sa iyo, walang napakahirap gawin. Ang kailangan ng mga tao ngayon ay pananampalataya. Kung ito ang nag-uudyok sa iyo, madaling pakawalan ang anumang pagkanegatibo, pagkapasibo, katamaran at mga kuru-kuro ng laman, mga pilosopiya sa mga makamundong pakikitungo, masuwaying disposisyon, mga damdamin, at iba pa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 513

Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o magkaroon ng pagkanegatibo sa kanilang kalooban, o hindi malinawan sa mga layunin ng Diyos o sa landas ng pagsasagawa. Ngunit sa pangkalahatan, kailangan mong magkaroon ng pananalig sa gawain ng Diyos, at, tulad ni Job, huwag itanggi ang Diyos. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay na taglay ng mga tao pagkatapos silang ipanganak ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa mga ito. Anumang mga pagsubok ang pinagdaanan niya, pinanatili niya ang paniniwalang ito. Sa loob ng mga karanasan ng mga tao, anumang pagpipino ang pinagdaraanan nila mula sa mga salita ng Diyos, ang gusto ng Diyos sa pangkalahatan, ay ang kanilang pananalig at mapagmahal-sa-Diyos na mga puso. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananalig, pagmamahal, at determinasyon ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nahahawakan; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang pananalig. Kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi mo mabitiwan ang iyong sariling mga kuru-kuro, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pananalig at tumayo nang matatag at manindigan sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, kapag may pananalig ka ay saka mo lamang makikita ang Diyos. Kapag mayroon kang pananalig, gagawin kang perpekto ng Diyos, at kung wala kang pananalig, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananaliga, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Kapag, sa mga tunay mong karanasan, may pananalig kang makita ang Kanyang mga gawa, magpapakita sa iyo ang Diyos, at bibigyang-liwanag at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananalig na iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananalig at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananalig sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya bibigyang-liwanag at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananalig. Ang pananalig ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananalig. Ano ang tinutukoy ng pananalig? Ang pananalig ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananalig na binabanggit Ko. Kailangan ng mga tao ang pananalig sa mga panahon ng pagdurusa at sa mga panahon ng pagpipino, at kapag may pananalig sila, sila pagkatapos, ay nahaharap sa pagpipino—hindi maaaring paghiwalayin ang pagpipino at pananalig. Kung paano man gumagawa ang Diyos, at anuman ang iyong kapaligiran, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, hangarin ang kaalaman sa gawain ng Diyos, at hangarin na malaman ang Kanyang mga gawa, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan, ito ay pagkakaroon ng tunay na pananalig, at pinatutunayan nito na hindi ka nawalan ng pananalig sa Diyos. Kung, habang pinipino, nagagawa mong patuloy na hangarin ang katotohanan, tunay na mahalin ang Diyos, at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, at kung anuman ang ginagawa Niya ay isinasagawa mo pa rin ang katotohanan upang mapalugod Siya, at nagagawa mong hanapin ang Kanyang mga layunin sa kaibuturan mo at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin, ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos. Noon, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, hinangad mo Siya. Ngunit ngayon ay nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at dumating sa iyo ang mga paghihirap—sa panahong ito, nawawalan ka ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring tugunan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananalig, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.

Noong araw, lahat ng tao ay humaharap sa Diyos para gawin ang kanilang mga pagpapasya, at sinasabing: “Kahit wala nang ibang nagmamahal sa Diyos, kailangan ko Siyang mahalin.” Ngunit ngayon, sumasapit sa iyo ang pagpipino, at dahil hindi ito nakaayon sa iyong mga kuru-kuro, nawawalan ka ng pananalig sa Diyos. Tunay na pagmamahal ba ito? Nabasa mo na nang maraming beses ang mga gawa ni Job—nalimutan mo na ba ang mga iyon? Ang tunay na pagmamahal ay nabubuo lamang mula sa pananalig. Nagkakaroon ka ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagpipinong pinagdaraanan mo; sa iyong mga praktikal na karanasan, sa pamamagitan ng iyong pananalig mo nagagawang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at nagagawang maghimagsik laban sa iyong sariling laman at hangarin ang buhay—ito ang dapat gawin ng mga tao. Kung gagawin mo ito, makikita mo ang mga kilos ng Diyos, ngunit kung wala kang pananalig, hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos o mararanasan ang Kanyang gawain. Kung gusto mong gamitin at perpektuhin ng Diyos, kailangan mong taglayin ang bawat aspekto ng katotohanan: ang determinasyong magdusa, pananalig, pagtitiis, pagpapasakop, at kakayahang hanapin ang katotohanan at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, ang kakayahang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang paghihinagpis at masisidhing layunin, at iba pa. Hindi madaling gawing perpekto ang isang tao, at bawat isang pagpipinong nararanasan mo ay nangangailangan ng iyong pananalig at pagmamahal. Kung gusto mong magawang perpekto ng Diyos, hindi sapat ang magpakaabala lang, ni sapat ang gugulin lamang ang iyong sarili para sa Diyos. Kailangan kang magtaglay ng maraming bagay upang maging isang tao na ginagawang perpekto ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa pagdurusa, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananalig na sundan Siya, mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho ito. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa Kanyang kagustuhan, at mas dapat mong sumpain ang iyong sariling laman kaysa magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang tiisin ang sakit ng pagsuko sa minamahal mo, at maging handang manangis nang may kapaitan, para mapalugod ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at tunay na pananalig. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang taglayin pareho ang determinasyong ito na magdusa at ang tunay na pananalig na ito, at kailangan mo ring magkaroon ng determinasyong maghimagsik laban sa laman. Dapat ay handa kang personal na magdusa at dumanas ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Dapat ay may kakayahan ka ring makaramdam ng pagsisisi tungkol sa sarili mo sa puso mo: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga aspektong ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga pamantayang ito, hindi ka magagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 514

Ang isang taong naglilingkod sa Diyos ay hindi lamang dapat malaman kung paano magdusa para sa Kanya; higit pa riyan, dapat niyang maunawaan na ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay upang hangarin ang pagmamahal sa Diyos. Kinakasangkapan ka ng Diyos hindi lamang para pinuhin ka o para pagdusahin ka, kundi sa halip ay kinakasangkapan ka Niya upang malaman mo ang Kanyang mga kilos, malaman mo ang tunay na kabuluhan ng buhay ng tao, at higit pa roon, upang malaman mo na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang madaling gampanin. Ang pagdanas ng gawain ng Diyos ay hindi tungkol sa pagtatamasa ng biyaya, kundi, ito ay higit na tungkol sa pagdurusa para sa iyong pagmamahal sa Kanya. Yamang tinatamasa mo ang biyaya ng Diyos, kailangan mo ring matamasa ang Kanyang pagkastigo; kailangan mong maranasan ang lahat ng ito. Mararanasan mo ang kaliwanagan ng Diyos sa iyo, at mararanasan mo rin kung paano ka Niya pinupungusan at hinahatulan. Sa ganitong paraan, ang iyong karanasan ay magiging komprehensibo. Naisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa iyo at naisagawa rin Niya ang Kanyang gawain ng pagkastigo. Pinungusan ka na ng salita ng Diyos, ngunit hindi lamang iyan, naliwanagan at natanglawan ka rin nito. Kapag ikaw ay negatibo at mahina, nag-aalala ang Diyos para sa iyo. Lahat ng gawaing ito ay upang ipaalam sa iyo na lahat ng tungkol sa tao ay nasa loob ng mga pamamatnugot ng Diyos. Maaari mong isipin na ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol lang sa pagdurusa, o paggawa ng maraming bagay para sa Kanya, o pagiging mapayapa ng iyong laman, o ang pagiging maayos ng takbo ng lahat ng bagay para sa iyo, at pagiging komportable at maalwan mo sa lahat ng bagay. Wala sa mga ito ang mga pakay na dapat taglayin ng mga tao sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung nananampalataya ka dahil sa mga pakay na ito, mali ang iyong pananaw, at imposible ka talagang magawang perpekto. Ang mga kilos ng Diyos, ang matuwid na disposisyon ng Diyos, ang Kanyang karunungan, Kanyang mga salita, at Kanyang pagiging kamangha-mangha at pagiging di-maarok ay pawang mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagkaunawang ito, dapat magawa mong alisin sa puso mo ang personal mong mga hinihingi, inaasam, at kuru-kuro. Kapag inalis mo ang mga ito, saka mo lamang matutugunan ang mga kondisyong hinihingi ng Diyos, at sa pamamagitan lamang ng paggawa nito ka magkakaroon ng buhay at mapapalugod ang Diyos. Ang layunin ng pananampalataya sa Diyos ay upang mapalugod Siya at maisabuhay ang disposisyon na Kanyang hinihingi, upang maipamalas ang Kanyang mga kilos at kaluwalhatian sa pamamagitan ng grupong ito ng hindi karapat-dapat na mga tao. Ito ang tamang perspektiba para sa pananampalataya sa Diyos, at ito rin ang layong dapat mong hangarin. Dapat ay mayroon kang tamang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos at dapat mong hangaring matamo ang mga salita ng Diyos. Kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos at magawang isabuhay ang katotohanan, at sa partikular, kailangan mong makita ang Kanyang praktikal na mga gawa, Kanyang kamangha-manghang mga gawa sa buong sansinukob, gayundin ang praktikal na gawaing Kanyang ginagawa sa katawang-tao. Maaaring pahalagahan ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang aktuwal na mga karanasan, kung paano talaga ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa kanila at kung ano ang mga layunin Niya sa kanila. Ang layunin ng lahat ng ito ay upang maiwaksi nila ang kanilang tiwaling satanikong disposisyon. Kapag naiwaksi na ang lahat ng karumihan at pagiging hindi matuwid sa iyong kalooban, at naiwaksi na ang iyong mga maling intensyon, at nagkaroon ka na ng tunay na pananalig sa Diyos—sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng tunay na pananalig mo maaaring tunay na mahalin ang Diyos. Maaari mo lamang tunay na mahalin ang Diyos sa pundasyon ng iyong pananampalataya sa Kanya. Magtatamo ka ba ng pagmamahal sa Diyos nang hindi ka nananampalataya sa Kanya? Yamang nananampalataya ka sa Diyos, hindi ka maaaring maguluhan tungkol dito. Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananalig sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng lakas sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang pananampalataya sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na magpasakop sa harap ng Diyos sa iyong pananalig. Nananampalataya ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at gusto mong iligtas ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananalig sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang mga disposisyon at hindi sila naghahangad ng pagkilala sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananalig na nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong paninindigan; hindi iyan tunay na pananalig sa Diyos. Upang manampalataya sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at ng determinasyon na isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kondisyong ito, walang bisa ang kanilang pananalig sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahangad sa katotohanan, sa pagkakilala sa Diyos, at sa buhay ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 515

Ang layunin ng gawain ng pagpipino, sa pangunahin, ay upang gawing perpekto ang pananalig ng mga tao. Sa huli, ang mga resultang nakakamit nito ay na: Gusto mong umalis ngunit, kasabay nito, hindi mo magawa; nagagawa pa ring manalig ng ilang tao kahit wala sila ni katiting na pag-asa; at ni hindi na umaasa man lang ang mga tao hinggil sa kanilang sariling hinaharap. Sa panahong ito lamang matatapos ang pagpipino ng Diyos. Kung ang mga tao ay hindi pa rin nakakarating sa yugtong nasa bingit na ng kamatayan, at hindi pa nila natitikman ang kamatayan, hindi pa tapos ang pagpipino sa kanila. Maging iyong mga nasa hakbang ng mga tagapagserbisyo ay hindi pa lubusang napipino. Sumailalim si Job sa lubusang pagpipino, at wala siyang nasandigan. Ang mga tao ay dapat na pinuhin hanggang sa parehong puntong iyon—kung saan wala sila ni katiting na pag-asa at wala ni isang bagay na masasandigan. Ito lamang ang tunay na pagpipino. Sa panahon ng mga tagapagserbisyo, kung palaging tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at anuman ang Kanyang ginawa at anuman ang Kanyang naging mga layunin para sa iyo, palagi kang nagpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, sa dulo ng landas ay mauunawaan mo ang lahat ng ginawa ng Diyos. Kapag sumasailalim ka sa mga pagsubok ni Job, kasabay nito, ay sumasailalim ka rin sa mga pagsubok ni Pedro. Noong sinubok si Job, nanindigan siya sa kanyang patotoo, at sa huli, nagpakita sa kanya si Jehova. Pagkatapos niyang manindigan sa kanyang patotoo, saka lamang siya naging karapat-dapat na makita ang mukha ng Diyos. Bakit sinabing: “Nagtatago Ako mula sa lupain ng karumihan ngunit nagpapakita Ako sa banal na kaharian”? Ibig sabihin nito ay kapag ikaw ay pinabanal at naninindigan sa iyong patotoo, saka ka lamang magkakaroon ng dignidad na makita ang mukha ng Diyos. Kung hindi ka makakapanindigan sa iyong patotoo, wala kang dignidad para makita ang Kanyang mukha. Kung aatras ka o magrereklamo laban sa Diyos sa harap ng mga pagpipino, sa gayon ay bigo kang makapanindigan sa iyong patotoo at nagiging katatawanan ka ni Satanas, hindi mo makakamtan ang pagpapakita ng Diyos. Kung katulad ka ni Job, na sa gitna ng mga pagsubok ay isinumpa ang kanyang sariling laman, pero hindi nagreklamo laban sa Diyos, at nagawang kamuhian ang kanyang sariling laman nang hindi nagrereklamo o nagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga salita, makakapanindigan ka sa iyong patotoo. Kapag sumasailalim ka sa mga pagpipino sa isang antas at kaya mong maging katulad ni Job, na lubos na mapagpasakop sa harap ng Diyos at walang ibang mga hinihingi sa Kanya o sarili mong mga kuru-kuro, magpapakita sa iyo ang Diyos. Ngayon ay hindi nagpapakita sa iyo ang Diyos dahil napakarami mong sariling mga kuru-kuro, personal na pagkiling, makasariling kaisipan, indibidwal na hinihingi at interes ng laman, at hindi ka karapat-dapat na makita ang Kanyang mukha. Kung makikita mo ang Diyos, susukatin mo Siya sa pamamagitan ng iyong sariling mga kuru-kuro, at dahil doon, ipapako mo Siya sa krus. Kung maraming bagay ang sumasapit sa iyo na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro ngunit nagagawa mong isantabi ang mga iyon at magtamo ng pagkakilala sa mga kilos ng Diyos mula sa mga bagay na ito, at kung sa gitna ng mga pagpipino ay ipinapakita mo ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso, ito ay paninindigan sa iyong patotoo. Kung mapayapa ang iyong tahanan, natatamasa mo ang mga kaginhawahan ng laman, walang umuusig sa iyo, at sinusunod ka ng iyong mga kapatid sa iglesia, maipapakita mo ba ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso? Mapipino ka ba ng sitwasyong ito? Maipapakita ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa pamamagitan lamang ng pagpipino, at magagawa kang perpekto sa pamamagitan lamang ng mga bagay na nangyayari na hindi nakaayon sa iyong mga kuru-kuro. Sa pamamagitan ng serbisyo ng maraming negatibong bagay, at paggamit ng lahat ng uri ng pagpapamalas ni Satanas—mga kilos nito, mga paratang, mga panggugulo at panlilihis—malinaw na ipinapakita ng Diyos sa iyo ang pangit na mukha ni Satanas, at sa gayon ay ginagawang perpekto ang iyong kakayahang makilala si Satanas, upang kamuhian mo si Satanas at maghimagsik laban dito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 516

Ang maraming karanasan mo sa kabiguan, kahinaan, ang marami mong panahon ng pagkanegatibo, ay masasabi na pawang mga pagsubok ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ay nagmumula sa Diyos, at lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay. Mabigo ka man o manghina at magkamali, nakasalalay ang lahat sa Diyos at abot-kamay Niya. Mula sa pananaw ng Diyos, isang pagsubok ito sa iyo, at kung hindi mo mapapansin iyon, magiging tukso iyon. May dalawang klase ng kalagayang dapat mapansin ng mga tao: Ang isa ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at ang malamang na pinagmumulan ng isa pa ay si Satanas. Ang isa ay isang kalagayan kung saan tinatanglawan ka ng Banal na Espiritu at tinutulutan kang makilala ang iyong sarili, mamuhi at makaramdam ng pagsisisi para sa sarili mo at magkaroon ng tunay na pagmamahal para sa Diyos, na magpasya na mapalugod Siya. Ang isa pa ay isang kalagayan kung saan kilala mo ang iyong sarili, ngunit negatibo ka at mahina. Maaaring sabihin na ito ay ang pagpipino ng Diyos, at na panunukso rin ito ni Satanas. Kung napapansin mo na ito ang pagliligtas sa iyo ng Diyos at kung nadarama mo na malaki na ang iyong pagkakautang sa Kanya—at na simula ngayon ay susubukan mong bumawi, tumigil sa pagkalugmok sa gayong kasamaan, at kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang wasto—at kung palagi mong ituturing ang iyong sarili na walang silbi, at may nananabik na determinasyon, pagsubok nga ito ng Diyos. Kapag nagwakas na ang pagdurusa at sumusulong ka nang muli, aakayin, tatanglawan, liliwanagan, at pangangalagaan ka pa rin ng Diyos. Ngunit kung hindi mo ito napapansin at negatibo ka, na basta na lamang hinahayaang mawalan ka ng pag-asa, kung nag-iisip ka sa ganitong paraan, nangangahulugan ito na sumapit na sa iyo ang panunukso ni Satanas. Nang sumailalim si Job sa mga pagsubok, nagpustahan ang Diyos at si Satanas, at pinayagan ng Diyos si Satanas na pahirapan si Job. Kahit na ito ay pagsubok ng Diyos kay Job, si Satanas talaga ang lumukob sa kanya. Para kay Satanas, panunukso iyon kay Job, ngunit nasa panig ng Diyos si Job. Kung hindi nagkagayon, natukso na sana si Job. Sa sandaling matukso ang mga tao, nahuhulog sila sa panganib. Ang pagdaan sa pagpipino ay masasabing isang pagsubok mula sa Diyos, ngunit kung hindi mabuti ang kalagayan mo, masasabing panunukso ito mula kay Satanas. Kung hindi malinaw sa iyo ang pangitain, pagbibintangan ka ni Satanas at ikukubli ka sa aspekto ng pangitain. Bago mo pa malaman, matutukso ka na.

Kung hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos, hindi ka kailanman magagawang perpekto. Sa iyong karanasan, kailangan mo ring pumasok sa mga detalye. Halimbawa, anong mga bagay ang naghihikayat sa iyo na bumuo ng mga kuru-kuro at labis-labis na mga motibo, at anong klase ng mga angkop na pagsasagawa ang mayroon ka para lutasin ang mga problemang ito? Kung nararanasan mo ang gawain ng Diyos, nangangahulugan ito na maganda ang iyong tayog. Kung mukha ka lamang may lakas, hindi ito tunay na tayog at tiyak na hindi ka makapanindigan nang matatag. Kapag nagagawa ninyong maranasan ang gawain ng Diyos at nagagawa ninyong maranasan at mapagnilayan ito anumang oras at saanmang lugar, kapag nagagawa ninyong iwan ang mga pastol, at mamuhay nang nagsasarili sa pagtitiwala sa Diyos, at nagagawa ninyong makita ang mga praktikal na pagkilos ng Diyos—saka lamang matutugunan ang mga layunin ng Diyos. Sa ngayon, hindi alam ng karamihan sa mga tao kung paano dumanas, at kapag nagkakaroon sila ng problema, hindi nila alam kung paano nila ito haharapin; hindi nila kayang maranasan ang gawain ng Diyos, at hindi sila makapamuhay ng espirituwal na buhay. Dapat mong dalhin ang mga salita at gawain ng Diyos sa iyong tunay na buhay.

Kung minsan binibigyan ka ng Diyos ng isang uri ng damdamin, isang damdaming nagsasanhi na mawala ang kagalakan ng iyong kalooban at ang presensya ng Diyos, kaya nakasadlak ka sa kadiliman. Isang uri ito ng pagpipino. Tuwing gumagawa ka ng anumang bagay, palagi itong nagugulo o humaharap ka sa isang balakid. Pagdidisiplina ito ng Diyos. Minsan, kapag gumagawa ka ng isang bagay na mapaghimagsik at lumalaban sa Diyos, maaaring walang ibang nakakaalam nito—ngunit alam iyon ng Diyos. Hindi ka Niya bibitiwan, at didisiplinahin ka Niya. Napakadetalyado ng gawain ng Banal na Espiritu. Sinisiyasat Niya nang may lubos na kalinawan ang bawat salita at kilos ng mga tao, bawat kilos at galaw, at bawat kaisipan at ideya nila upang magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa kanilang sarili tungkol sa mga bagay na ito. May gagawin ka isang beses at nagkakamali ito, may gagawin ka ulit at nagkakamali pa rin, at unti-unti mong mauunawaan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa maraming beses na nadisiplina ka, malalaman mo kung ano ang gagawin upang umayon sa mga layunin ng Diyos at kung ano ang hindi naaayon sa Kanyang mga layunin. Sa huli, magkakaroon ka ng tumpak na mga tugon sa paggabay ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kung minsan magiging mapaghimagsik ka at sasawayin ka ng Diyos sa loob mo. Lahat ng ito ay nagmumula sa pagdidisiplina ng Diyos. Kung hindi mo pinahahalagahan ang salita ng Diyos, kung binabalewala mo ang Kanyang gawain, hindi ka Niya papansinin. Kapag lalo mong sineseryoso ang mga salita ng Diyos, lalo ka Niyang liliwanagan. Ngayon mismo, may ilang tao sa iglesia na magulo at nalilito ang pananampalataya, at marami silang ginagawang di-angkop at kumikilos sila nang walang disiplina, kaya’t ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi malinaw na nakikita sa kanila. Para kumita ng pera, ang ilang tao ay tinatalikuran ang atas sa kanila at lumalabas para magpatakbo ng negosyo, at hindi sila nadidisiplina dahil dito; mas nanganganib ang gayong klaseng tao. Hindi lamang kasalukuyang wala sa kanila ang gawain ng Banal na Espiritu, kundi sa hinaharap, mahirap silang magawang perpekto. Maraming tao na hindi kinakikitaan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng pagdidisiplina ng Diyos. Sila iyong hindi malinaw sa mga layunin ng Diyos sa kanila at hindi nila alam ang Kanyang gawain. Ayos lang iyong mga kayang manindigan nang matatag sa gitna ng mga pagpipino, na sumusunod sa Diyos anuman ang Kanyang gawin, at nagagawa kahit paano na hindi umalis, o nagagawa ang 0.1% ng nagawa ni Pedro, ngunit wala silang halaga para kasangkapanin ng Diyos. Maraming taong agad na nakakaunawa sa mga bagay-bagay, may tunay na pagmamahal para sa Diyos, at nahihigitan ang antas ni Pedro, at ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa kanila. Sumasapit sa gayong mga tao ang pagdidisiplina at kaliwanagan, at kung may anuman sa kanila na hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos, kaya nilang alisin iyon kaagad. Ang gayong mga tao ay ginto, pilak, at mahahalagang bato—pinakamalaki ang kanilang halaga! Kung nakagawa ang Diyos ng maraming uri ng gawain ngunit para ka pa ring buhangin o bato, wala kang halaga!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 517

Kagila-gilalas at di-maarok ang gawain ng Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Gagawin Niyang perpekto ang isang grupo ng mga tao at ititiwalag ang ilang iba pa, sapagkat lahat ng uri ng mga tao ay nasa iglesia—mayroong mga nagmamahal sa katotohanan, at mayroong hindi; mayroong mga dumaranas ng gawain ng Diyos, at mayroong hindi; mayroong mga gumagawa ng kanilang tungkulin, at mayroong hindi; mayroong mga nagpapatotoo sa Diyos, at mayroong hindi—at ang ilan sa kanila ay mga hindi mananampalataya at masasamang tao, at tiyak na ititiwalag sila. Kung hindi mo malinaw na nalalaman ang gawain ng Diyos, magiging negatibo ka; ito ay dahil ang gawain ng Diyos ay makikita lamang sa iilang tao. Sa pagkakataong ito, mabubunyag kung sino ang tunay na nagmamahal sa Diyos at sino ang hindi. Iyong mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay may gawain ng Banal na Espiritu, samantalang iyong mga hindi tunay na nagmamahal sa Kanya ay mabubunyag sa bawat hakbang ng Kanyang gawain. Sila ang mga ititiwalag. Mabubunyag ang mga taong ito sa pagpapatuloy ng gawain ng paglupig, at sila ay mga taong walang halaga para gawing perpekto. Iyong mga nagawang perpekto ay nakamit na ng Diyos sa kanilang kabuuan, at may kakayahang mahalin ang Diyos tulad ni Pedro. Iyong mga nalupig ay walang kusang pagmamahal, kundi pasibo na pagmamahal lamang, at sapilitan nilang minamahal ang Diyos. Yumayabong ang likas na pagmamahal sa pamamagitan ng pag-unawang nakamtan sa pamamagitan ng praktikal na karanasan. Saklaw ng pagmamahal na ito ang puso ng tao at idinudulot sila nito na kusang maging tapat sa Diyos; nagiging pundasyon nila ang mga salita ng Diyos at nagagawa nilang magdusa para sa Diyos. Mangyari pa, ito ay mga bagay na taglay ng isang tao na nagawang perpekto ng Diyos. Kung ang hinahangad mo lamang ay ang malupig, hindi ka maaaring magpatotoo para sa Diyos; kung nakakamtan lamang ng Diyos ang Kanyang mithiing magligtas sa pamamagitan ng paglupig sa mga tao, matatapos ang trabaho sa hakbang ng mga tagasilbi. Gayunman, ang paglupig sa mga tao ay hindi ang huling mithiin ng Diyos, kundi ang gawing perpekto ang mga tao. Kaya sa halip na sabihing ang yugtong ito ang gawain ng paglupig, sabihing ito ang gawain ng pagpeperpekto at pagtitiwalag. Hindi pa lubos na nalulupig ang ilang tao, at habang nilulupig sila, isang grupo ng mga tao ang magagawang perpekto. Ang dalawang pirasong ito ng gawain ay isinasakatuparan nang sabay. Hindi pa umaalis ang mga tao kahit sa loob ng napakahabang panahon ng gawain, at ipinakikita nito na ang mithiing manlupig ay nakamtan na—isang katunayan ito ng pagiging nalupig. Ang mga pagpipino ay hindi para malupig, kundi para magawang perpekto. Kung wala ang mga pagpipino, hindi magagawang perpekto ang mga tao. Kaya napakahalaga talaga ng mga pagpipino! Ngayon isang grupo ng mga tao ang ginagawang perpekto at nakakamit. Ang sampung pagpapalang binanggit dati ay inilaang lahat sa mga nagawang perpekto. Lahat ng tungkol sa pagbabago ng kanilang larawan sa lupa ay inilalaan sa mga nagawang perpekto. Iyong mga hindi nagawang perpekto ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pangako ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 518

Ang maniwala sa Diyos at makilala ang Diyos ay ganap na likas at may katwiran, at ngayon—sa isang kapanahunan kung kailan personal na ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain—ay isang napakagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pagpapalugod sa Diyos ay isang bagay na nakakamit sa pamamagitan ng pagbubuo ng pundasyon ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at upang maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangang magkaroon ng kaunting kaalaman tungkol sa Diyos. Ang kaalamang ito tungkol sa Diyos ang pangitain na kailangang taglayin ng isang naniniwala sa Diyos; ito ang batayan ng paniniwala ng tao sa Diyos. Kapag wala ang kaalamang ito, malabo ang pag-iral ng paniniwala ng tao sa Diyos, sa gitna ng hungkag na teorya. Kahit matibay ang pagpapasiya ng mga taong tulad nito na sundin ang Diyos, wala silang mapapala. Ang mga walang napapala sa daloy na ito ang mga ititiwalag—silang lahat ay mga mapagsamantala. Alinmang hakbang ng gawain ng Diyos ang iyong maranasan, dapat kang samahan ng isang makapangyarihang pangitain. Kung hindi, mahihirapan kang tanggapin ang bawat hakbang ng bagong gawain, dahil hindi kayang isipin ng tao ang bagong gawain ng Diyos, at lampas ito sa mga hangganan ng kanyang pagkaintindi. Kaya, kung walang pastol na mag-aalaga sa tao, kung walang pastol na magbabahagi tungkol sa mga pangitain, walang kakayahan ang tao na tanggapin ang bagong gawaing ito. Kung hindi mauunawaan ng tao ang mga pangitain, hindi niya mauunawaan ang bagong gawain ng Diyos, at kung hindi makapagpapasakop ang tao sa bagong gawain ng Diyos, hindi mauunawaan ng tao ang mga layuninn ng Diyos, kaya nga ang kanyang pagkakilala sa Diyos ay mawawalan ng halaga. Bago isakatuparan ng tao ang salita ng Diyos, kailangan niyang malaman ang salita ng Diyos; ibig sabihin, kailangan niyang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang salita ng Diyos nang tumpak at alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Ito ay isang bagay na kailangang taglayin ng lahat ng naghahanap sa katotohanan, at ito rin ang prosesong kailangang pagdaanan ng lahat ng nagsisikap na makilala ang Diyos. Ang proseso ng pag-alam sa salita ng Diyos ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos at pag-alam sa gawain ng Diyos. Kaya, ang pag-alam sa mga pangitain ay hindi lamang tumutukoy sa pagkilala sa pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi kabilang din ang pag-alam sa salita at gawain ng Diyos. Mula sa salita ng Diyos nauunawaan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, at mula sa gawain ng Diyos nalalaman nila ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos. Paniniwala sa Diyos ang unang hakbang sa pagkilala sa Diyos. Ang proseso ng pagsulong mula sa paunang paniniwalang ito sa Diyos tungo sa pinakamalalim na paniniwala sa Kanya ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos, ang proseso ng pagdanas sa gawain ng Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos para maniwala sa Diyos, at hindi para makilala Siya, walang realidad sa iyong pananalig, at hindi maaaring maging dalisay ang iyong pananalig—walang duda ito. Kung, sa proseso kung saan nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, unti-unti niyang nakikilala ang Diyos, kung gayon ay unti-unting magbabago ang kanyang disposisyon, at lalong magiging totoo ang kanyang paniniwala. Sa ganitong paraan, kapag nagtatagumpay ang tao sa kanyang paniniwala sa Diyos, ganap na niyang makakamit ang Diyos. Ang dahilan kung bakit ginawa ng Diyos ang lahat para maging tao sa ikalawang pagkakataon upang personal na gawin ang Kanyang gawain ay upang makilala at makita Siya ng tao. Pagkilala sa Diyos[a] ang huling epektong makakamtan sa katapusan ng gawain ng Diyos; ito ang huling kinakailangan ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagawa Niya ito alang-alang sa Kanyang huling patotoo; ginagawa Niya ang gawaing ito upang sa wakas ay ganap na bumaling ang tao sa Kanya. Magagawa lamang ng tao na mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkilala sa Diyos, at para mahalin ang Diyos kailangan niyang makilala ang Diyos. Paano man siya naghahangad, o ano man ang kanyang hangad na matamo, kailangang magawa niyang makamit ang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa paraang ito lamang mapapalugod ng tao ang puso ng Diyos. Sa pagkilala lamang sa Diyos magkakaroon ang tao ng tunay na pananampalataya sa Diyos, at sa pagkilala lamang sa Diyos siya tunay na matatakot at makapagpapasakop sa Diyos. Ang mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi kailanman tunay na makapagpapasakop at matatakot sa Diyos. Ang pagkilala sa Diyos ay kinabibilangan ng pag-alam sa Kanyang disposisyon, pag-unawa sa Kanyang mga layunin, at pag-alam kung ano Siya. Subalit alinmang aspekto ang malaman ng isang tao, bawat isa ay nangangailangan na magbayad ng halaga at maging handang magpasakop ang tao, kung hindi ay walang sinumang patuloy na makakasunod hanggang wakas. Ang gawain ng Diyos ay lubhang hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao. Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang Diyos ay napakahirap malaman ng tao, at lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ay lubhang hindi maunawaan ng tao: Kung nais ng tao na sumunod sa Diyos subalit ayaw niyang magpasakop sa Diyos, walang mapapala ang tao. Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, marami nang nagawang gawain ang Diyos na hindi kayang unawain ng tao at nahihirapan silang tanggapin ito, at marami nang nasabi ang Diyos na nagpapahirap sa tao na maalis ang kanilang mga kuru-kuro. Ngunit hindi Niya itinigil kailanman ang Kanyang gawain nang dahil sa napakaraming paghihirap ng tao; sa halip, patuloy Siyang gumawa at nagsalita, at kahit maraming “mandirigma” ang nahulog sa tabing-daan, ginagawa pa rin Niya ang Kanyang gawain, at nagpapatuloy nang walang pahinga sa pagpili ng sunud-sunod na grupo ng mga tao na handang magpasakop sa Kanyang bagong gawain. Wala Siyang awa para doon sa nahulog na “mga bayani,” at sa halip ay pinahahalagahan Niya ang mga tumatanggap sa Kanyang bagong gawain at mga salita. Ngunit ano ang layunin ng Kanyang paggawa sa ganitong paraan, na paisa-isang hakbang? Bakit palagi Niyang itinitiwalag ang ilang tao at hinihirang ang iba? Bakit palagi Niyang ginagamit ang gayong pamamaraan? Ang layunin ng Kanyang gawain ay upang tulutan ang tao na makilala Siya, at nang sa gayon ay makamit Niya sila. Ang prinsipyo ng Kanyang gawain ay upang gumawa sa mga yaon na nakakayang magpasakop sa gawaing Kanyang ginagawa ngayon, at hindi upang gumawa sa mga nagpapasakop sa gawaing Kanyang nagawa noong araw habang kinokontra ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon. Ito ang dahilan kaya Niya itinitiwalag ang napakaraming tao.

Hindi makakamit ang mga epekto ng aral ng pagkilala sa Diyos sa loob ng isa o dalawang araw: Kailangang mag-ipon ng mga karanasan, magdaan sa pagdurusa, at tunay na makapagpasakop ang tao. Una sa lahat, magsimula sa gawain at mga salita ng Diyos. Kailangan mong maunawaan kung ano ang kabilang sa kaalaman tungkol sa Diyos, paano makamit ang kaalamang ito, at paano makita ang Diyos sa iyong mga karanasan. Ito ang kailangang gawin ng lahat kapag kailangan pa nilang kilalanin ang Diyos. Walang sinumang maaaring makaunawa sa gawain at mga salita ng Diyos sa isang bagsakan, at walang sinumang maaaring magkamit ng kaalaman tungkol sa kabuuan ng Diyos sa loob ng maikling panahon. May kinakailangang proseso ng karanasan, na kung wala ay walang sinumang magagawang kilalanin ang Diyos o tapat Siyang sundin. Kapag mas maraming gawaing ginagawa ang Diyos, mas nakikilala Siya ng tao. Kapag mas salungat ang gawain ng Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, mas napapanibago at lumalalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Kung mananatiling pirmihan at hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, walang gaanong malalaman ang tao tungkol sa Kanya. Sa pagitan ng panahon ng paglikha at ng kasalukuyan, ang ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, ang Kanyang ginawa noong Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kanyang ginagawa sa Kapanahunan ng Kaharian—kailangan ninyong malinawan nang husto ang mga pangitaing ito. Kailangan ninyong malaman ang gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “Ang gawain ng pagkilala sa Diyos.”


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 519

Nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, nakikilala ang kanyang sarili, inaalis ang kanyang tiwaling disposisyon, at hinahangad na lumago sa buhay, lahat alang-alang sa pagkilala sa Diyos. Kung hinahangad mo lamang na makilala ang iyong sarili at pungusan ang iyong sariling tiwaling disposisyon, ngunit wala kang kaalaman tungkol sa gawaing ginagawa ng Diyos sa tao, kung gaano kadakila ang Kanyang pagliligtas, o kung paano mo nararanasan ang gawain ng Diyos at nasasaksihan ang Kanyang mga gawa, kalokohan ang karanasan mong ito. Kung sa palagay mo ay lumago na ang buhay ng isang tao dahil lamang sa nakakaya niyang isagawa ang katotohanan at magtiis, ibig sabihin ay hindi mo pa rin nauunawaan ang tunay na kahulugan ng buhay o ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao. Balang araw, kapag ikaw ay nasa mga relihiyosong iglesia, kasama ng mga kasapi ng Iglesia ng Pagsisisi o ng Iglesia ng Buhay, marami kang matatagpuang relihiyosong mga tao, na ang mga panalangin ay naglalaman ng “mga pangitain” at naaantig, sa patuloy na pagsisikap nila sa buhay, at ginagabayan ng mga salita. Bukod pa rito, nagagawa nilang magtiis at talikuran ang kanilang sarili sa maraming bagay, at hindi patatangay sa laman. Sa oras na iyon, hindi mo masasabi ang pagkakaiba: Maniniwala ka na lahat ng kanilang ginagawa ay tama, na iyon ang likas na pagpapahayag ng buhay, at na kahabag-habag na ang pangalang kanilang pinaniniwalaan ay mali. Hindi ba kahangalan ang gayong mga pananaw? Bakit sinasabi na maraming tao ang walang buhay? Dahil hindi nila kilala ang Diyos, at sa gayon ay sinasabi na wala silang Diyos sa kanilang puso, at walang buhay. Kung umabot na ang iyong paniniwala sa Diyos sa punto kung saan kaya mong lubusang malaman ang mga gawa ng Diyos, ang pagiging praktikal ng Diyos, at ang bawat yugto ng gawain ng Diyos, taglay mo ang katotohanan. Kung hindi mo alam ang gawain at disposisyon ng Diyos, may kulang pa rin sa iyong karanasan. Kung paano isinagawa ni Jesus ang yugtong iyon ng Kanyang gawain, paano isinasagawa ang yugtong ito, paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Kapanahunan ng Biyaya at anong gawain ang ginawa, anong gawain ang ginagawa sa yugtong ito—kung wala kang lubos na kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, hindi ka kailanman makatitiyak at palagi kang hindi mapapanatag. Kung, pagkaraan ng isang panahon ng karanasan, nagagawa mong malaman ang gawaing ginawa ng Diyos at ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, at kung nagtamo ka na ng lubos na kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos sa pagsambit ng Kanyang mga salita, at kung bakit napakarami Niyang nasambit na salita na hindi pa natutupad, maaari mong matapang at patuloy na sundan ang daan, malaya sa pag-aalala at pagpipino. Dapat ninyong makita kung paano nagtatagumpay ang Diyos sa napakarami sa Kanyang gawain. Ginagamit Niya ang mga salitang Kanyang sinasambit, pinipino ang tao at binabago ang kanyang mga kuru-kuro gamit ang maraming iba’t ibang klaseng salita. Lahat ng pagdurusang inyong natiis, lahat ng pagpipinong inyong napagdaanan, ang pagpupungos na tinanggap na ninyo sa inyong kalooban, ang kaliwanagang inyong naranasan—nakamit na ang lahat ng ito gamit ang mga salitang nasambit ng Diyos. Bakit ba sumusunod ang tao sa Diyos? Sumusunod siya dahil sa mga salita ng Diyos! Masyadong mahiwaga ang mga salita ng Diyos, at bukod pa riyan ay maaari nitong antigin ang puso ng tao, ibunyag ang mga bagay na nakatago sa kaibuturan nito, ipabatid sa kanya ang mga bagay na nangyari noong araw, at tulutan siyang makita ang hinaharap. Kaya nagtitiis ng pagdurusa ang tao dahil sa mga salita ng Diyos, at ginagawa ring perpekto dahil sa mga salita ng Diyos: Saka lamang sumusunod ang tao sa Diyos. Ang dapat gawin ng tao sa yugtong ito ay tanggapin ang mga salita ng Diyos, at ginagawa man siyang perpekto o isinasailalim sa pagpipino, ang mga salita ng Diyos ang mahalaga. Ito ang gawain ng Diyos, at ito rin ang pangitaing dapat malaman ng tao ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Sinundan: Pagpasok sa Buhay III

Sumunod: Pagpasok sa Buhay V

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito