Pagpasok sa Buhay III

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 444

Paano naaarok ng isang tao ang mga detalye ng espiritu? Paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa tao? Paano gumagawa si Satanas sa tao? Paano gumagawa ang masasamang espiritu sa tao? Ano-ano ang mga pagpapamalas? Kapag may nangyayari sa iyo, ito ba ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at dapat ka bang magpasakop dito o maghimagsik laban dito? Sa aktuwal na pagsasagawa ng mga tao, maraming lumilitaw mula sa kalooban ng tao na palaging pinaniniwalaan ng mga tao na nagmumula sa Banal na Espiritu. Ang ilang bagay ay mula sa masasamang espiritu, ngunit palagi pa ring iniisip ng mga tao na ang mga ito ay nagmula sa Banal na Espiritu, at may mga pagkakataon na ginagabayan ang mga tao ng Banal na Espiritu mula sa loob, ngunit natatakot ang mga tao na ang gayong paggabay ay nagmumula kay Satanas, kaya’t hindi sila nangangahas na magpasakop, samantalang sa realidad ang paggabay na iyon ay ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Samakatwid, kung hindi gagamit ng pagkilatis ang isang tao, hindi niya talaga mararanasan ang mga aktuwal na bagay na pinagdaraanan niya; kung hindi gagamit ng pagkilatis ang isang tao sa mga karanasan niya, hindi siya makakapagkamit ng buhay. Paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Paano gumagawa ang masasamang espiritu? Ano ang galing sa kalooban ng tao? At ano ang galing sa paggabay at kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Kung naaarok mo ang mga pattern ng paggawa ng Banal na Espiritu sa loob ng tao, magagawa mong palaguin ang iyong kaalaman at magkakamit ka ng pagkilatis sa iyong pang-araw-araw na buhay at sa panahon ng iyong tunay na mga karanasan; makikilala mo ang Diyos, magagawa mong unawain at kilatisin si Satanas; hindi ka malilito sa iyong pagpapasakop o paghahangad, at ikaw ay magiging isang tao na maaliwalas ang pag-iisip, at nagpapasakop sa gawain ng Banal na Espiritu.

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang magbigay ng gabay at kaliwanagan tungo sa positibong bahagi. Hindi nito gagawing negatibo ang mga tao. Naghahatid ito sa kanila ng kapanatagan, nagbibigay sa kanila ng pananalig at determinasyon, at binibigyang-kakayahan sila na hangaring magawang perpekto ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu, nagagawa ng mga tao na pumasok mula sa positibong aspekto; hindi sila pasibo o napipilitan, kundi kumikilos nang may sariling pagkukusa. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa, ang mga tao ay nagagalak at handa, nakahandang magpasakop at masaya sa pagpapakumbaba. Kahit na nasasaktan sila at nanghihina sila sa loob, determinado silang makipagtulungan; nagdurusa sila nang may kagalakan, nagagawa nilang magpasakop, at sila ay walang bahid ng kalooban ng tao, walang bahid ng pag-iisip ng tao, at lalong walang bahid ng mga ekspektasyon at mga motibo ng tao. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, sila ay partikular na dalisay sa loob. Isinasabuhay ng mga nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu ang pagmamahal para sa Diyos at sa kanilang mga kapatid; gusto nila ang mga bagay na nagpapalugod sa Diyos, at kinasusuklaman nila ang mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang mga taong inaantig ng gawain ng Banal na Espiritu ay iyong mayroong normal na pagkatao, karaniwang naghahangad sa katotohanan, at nagtataglay ng pagkatao. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob ng mga tao, ang kanilang kalagayan ay pabuti nang pabuti, at ang kanilang pagkatao ay lalong nagiging normal, at bagama’t ang ilan sa kanilang pakikipagtulungan ay maaaring hangal, ang kanilang mga motibo ay tama, pumapasok sila mula sa isang positibong aspekto, hindi nila tinatangkang magdulot ng mga paggambala, at hindi sila nagkikimkim ng anumang masasamang intensiyon. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay normal at praktikal, ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa tao alinsunod sa mga takbo ng buhay ng mga normal na tao, at nagbibigay-liwanag at gumagabay Siya sa mga tao sa loob alinsunod sa aktuwal na paghahangad ng normal na mga tao. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa mga tao, ginagabayan at binibigyang-liwanag Niya sila alinsunod sa mga pangangailangan ng normal na mga tao. Nagkakaloob Siya para sa kanila ayon sa kanilang mga pangangailangan, at ginagabayan at binibigyang-liwanag Niya sila ayon sa kung ano ang kulang sa kanila, at ayon sa kanilang mga kakulangan, mula sa positibong aspekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang bigyang-liwanag at gabayan ang mga tao sa tunay na buhay; kapag naranasan nila ang mga salita ng Diyos sa kanilang aktuwal na buhay, saka lang nila makikita ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung, sa kanilang pang-araw-araw na mga buhay, ang mga tao ay nasa isang positibong kalagayan at mayroong normal na espirituwal na buhay, tinataglay nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa gayong kalagayan, mayroon silang pananalig kapag kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos, nabibigyang-inspirasyon sila kapag sila ay nananalangin, at hindi sila negatibo kapag nahaharap sila sa isang bagay—sa gitna nito, nakikita nila ang mga aral na hinihingi sa kanila ng Diyos na matutuhan, sila ay hindi negatibo o mahina, at bagama’t mayroon silang mga tunay na paghihirap, nakahanda silang magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos.

Anong mga epekto ang nakakamit ng gawain ng Banal na Espiritu? Maaaring ikaw ay hangal, o maaaring wala kang pagkilatis, ngunit kailangan lamang gumawa ang Banal na Espiritu para magkaroon ka ng pananalig, palagi mong mararamdaman na hindi magiging sapat ang pagmamahal mo sa Diyos, at magiging handa kang makipagtulungan. Gaano man katindi ang mga paghihirap na darating, magiging handa ka pa ring makipagtulungan. Kapag nangyayari sa iyo ang mga bagay at hindi malinaw sa iyo kung ang mga ito ay galing sa Diyos o mula kay Satanas, magagawa mong maghintay, at hindi ka magiging negatibo o pabaya. Ito ang normal na gawain ng Banal na Espiritu. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob mo, makakaranas ka pa rin ng mga tunay na paghihirap: May mga pagkakataon na mapapaluha ka, at may mga pagkakataon na magkakaroon ng mga bagay na hindi mo kayang mapagtagumpayan—lahat ng ito ay isang yugto lamang ng karaniwang gawain ng Banal na Espiritu. Bagama’t hindi mo mapagtatagumpayan ang mga bagay na iyon, at bagama’t, sa panahong iyon, ikaw ay magiging mahina at magrereklamo, pagkatapos niyon ay magagawa mo pa ring ibigin ang Diyos, nag-uumapaw sa pananalig. Hindi ka pipigilan ng iyong pagiging negatibo na magkaroon ng mga normal na karanasan, at anuman ang sinasabi ng ibang tao, at kung paano ka nila inaatake, magagawa mo pa ring ibigin ang Diyos. Sa panahon ng pananalangin, palagi mong madarama na sa nakalipas ay masyadong malaki ang pagkakautang mo sa Diyos, at ikaw ay magpapasya na palugurin ang Diyos at maghimagsik laban sa laman kapag naharap kang muli sa gayong mga bagay. Ipinakikita ng kasigasigang ito na naroroon ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob mo. Ito ang normal na kalagayan ng gawain ng Banal na Espiritu.

Anong gawain ang nagmumula kay Satanas? Sa gawain na nagmumula kay Satanas, ang mga pangitain sa loob ng mga tao ay malabo; ang mga tao ay walang normal na pagkatao, ang mga motibo sa likod ng kanilang mga pagkilos ay mali, at bagama’t nais nilang ibigin ang Diyos, palaging mayroong mga akusasyon sa loob nila, at ang mga akusasyon at mga kaisipang ito ay nagsasanhi ng patuloy na panggugulo sa loob nila, nililimitahan ang paglago ng kanilang buhay at pinipigilan sila sa pagiging nasa normal na kondisyon sa harap ng Diyos. Ang ibig sabihin, sa sandaling ang gawain ni Satanas ay nasa loob ng mga tao, ang kanilang mga puso ay hindi kayang maging panatag sa harap ng Diyos. Hindi nila alam kung ano ang gagawin sa kanilang mga sarili—kapag nakakakita sila ng mga taong sama-samang nagtitipon, nais nilang tumakbo palayo, at hindi nila nagagawang ipikit ang kanilang mga mata kapag nananalangin ang iba. Sinisira ng gawain ng masasamang espiritu ang normal na ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at ginugulo ang dating mga pangitain ng mga tao o ang kanilang dating landas ng buhay pagpasok; sa kanilang puso ay hindi nila kailanman kayang mapalapit sa Diyos, palagi silang nagugulo at nalilimitahan ng isang bagay, at ang puso nila ay hindi makasumpong ng kapayapaan. Naiiwan sila na walang lakas na ibigin ang Diyos at ang kanilang mga espiritu ay nalulugmok. Ganoon ang mga pagpapamalas ng gawain ni Satanas. Ang mga pagpapamalas ng gawain ni Satanas ay ang mga sumusunod: hindi kayang maging matatag at manindigan sa iyong patotoo, na nagiging sanhi upang ikaw ay maging isang maling tao sa harap ng Diyos at isang taong walang katapatan sa Diyos. Kapag ginugulo ka ni Satanas, nawawalan ka ng pagmamahal at katapatan sa Diyos sa loob mo, ikaw ay pinagkakaitan ng isang normal na ugnayan sa Diyos, hindi mo hinahangad ang katotohanan o ang pag-unlad ng sarili mo; ikaw ay umuurong at nagiging negatibo, nagpapasasa ka, hinahayaan mo ang malayang paglaganap ng kasalanan at hindi namumuhi sa kasalanan. Higit pa roon, idinudulot nito na ikaw ay maging mapagpalayaw; nagiging sanhi ito upang ang pag-antig ng Diyos ay maglaho sa loob mo at itinutulak ka nitong magreklamo tungkol sa Diyos at kalabanin Siya, na umaakay sa iyong mag-alinlangan sa Diyos; mayroon pang panganib na aalis ka. Ang lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 445

Kapag mayroong nangyayari sa iyo sa iyong pang-araw-araw na buhay, paano mo dapat kilatisin kung ito ay mula sa gawain ng Banal na Espiritu o mula sa gawain ni Satanas? Kapag ang mga kalagayan ng mga tao ay normal, ang kanilang mga espirituwal na buhay at ang kanilang mga buhay sa laman ay normal, at ang kanilang katwiran ay normal at maayos. Kapag sila ay nasa ganitong kalagayan, ang kanilang nararanasan at nakikilala sa loob ng kanilang sarili ay masasabi sa pangkalahatan na nagmumula sa pagiging naantig ng Banal na Espiritu. (Ang pagkakaroon ng mga kabatiran o pagkakamit ng mababaw na kaalaman kapag kinakain at iniinom nila ang mga salita ng Diyos, o pagiging tapat sa ilang usapin, o pagkakaroon ng lakas upang ibigin ang Diyos sa ilang bagay—ang lahat ng ito ay nagmumula sa Banal na Espiritu.) Ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay lubos na normal; ang tao ay walang kakayahan na madama ito, at tila nagmumula ito sa pamamagitan ng tao mismo, bagaman ito sa katunayan ay gawain ng Banal na Espiritu. Sa pang-araw-araw na buhay, ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa lahat ng tao, na maaaring malaki o maliit, at ang antas lamang ng gawaing ito ang nagkakaiba. Ang ilang tao ay may mahusay na kakayahan, at mabilis nilang naaarok ang mga bagay-bagay, at ang Banal na Espiritu ay nagkakaloob ng espesyal na kaliwanagan sa loob nila. Samantala, ang ilang tao ay may mahinang kakayahan, at mas matagal bago nila maarok ang mga bagay-bagay, ngunit inaantig sila ng Banal na Espiritu sa loob at nagagawa rin nila na maging tapat sa Diyos. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa lahat ng taong naghahangad sa Diyos. Kapag, sa pang-araw-araw na buhay, hindi kinakalaban ng mga tao ang Diyos o hindi sila naghihimagsik laban sa Diyos, hindi gumagawa ng mga bagay na gumagambala sa pamamahala ng Diyos at hindi gumugulo sa gawain ng Diyos, sa bawat isa sa kanila ang Espiritu ng Diyos ay gumagawa sa mas malaki o mas maliit na antas; inaantig Niya sila, binibigyang-liwanag sila, binibigyan sila ng pananalig, binibigyan sila ng lakas, at pinakikilos sila upang pumasok sa positibong paraan, hindi maging tamad o mag-imbot sa mga kasiyahan ng laman, maging handang isagawa ang katotohanan, at manabik sa mga salita ng Diyos. Lahat ng ito ay gawain na nagmumula sa Banal na Espiritu.

Kapag hindi normal ang mga kalagayan ng mga tao, tinalikuran sila ng Banal na Espiritu. Ang mga reklamo sa loob ng kanilang puso, ang kanilang mga maling intensiyon, ang kanilang katamaran, ang kanilang pagpapasasa sa kanilang laman, at ang kanilang pagnanais na ipagkanulo ang katotohanan—ang lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas. Kapag ang mga kalagayan ng mga tao ay hindi normal, kapag sila ay madilim sa loob at nawalan ng kanilang normal na katwiran, tinalikuran ng Banal na Espiritu, at hindi nila madarama ang Diyos sa loob ng kanilang sarili, ito ay kung kailan gumagawa si Satanas sa loob nila. Kung ang mga tao ay palaging mayroong lakas sa loob nila at palaging minamahal ang Diyos, sa pangkalahatan, kapag may mga nangyayari sa kanila, ang mga iyon ay mula sa Banal na Espiritu, at sinumang makatagpo nila, ang pagtatagpo ay ang resulta ng pagsasaayos ng Diyos. Ang ibig sabihin, kapag ikaw ay nasa isang normal na kalagayan, kapag ikaw ay nasa loob ng dakilang gawain ng Banal na Espiritu, imposible para kay Satanas na ikaw ay mapatinag. Sa saligang ito, masasabi na ang lahat ay nagmumula sa Banal na Espiritu, at bagama’t maaaring mayroon kang hindi tamang mga iniisip, nagagawa mong maghimagsik laban sa mga ito at hindi mo sinusunod ang mga ito. Lahat ng ito ay nagmumula sa gawain ng Banal na Espiritu. Sa anong mga sitwasyon nanghihimasok si Satanas? Madali para kay Satanas na gumawa sa loob mo kapag ang iyong mga kalagayan ay hindi normal, kapag ikaw ay hindi pa naaantig ng Diyos at walang gawain ng Diyos, kapag ikaw ay tuyo at tigang sa loob, kapag ikaw ay nananalangin sa Diyos ngunit walang naaarok na anuman, at kapag kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos ngunit hindi nabibigyang-liwanag o natatanglawan. Sa ibang pananalita, kapag ikaw ay tinalikuran ng Banal na Espiritu at hindi mo nararamdaman ang Diyos, nangyayari sa iyo ang maraming bagay na nagmumula sa tukso ni Satanas. Habang gumagawa ang Banal na Espiritu, si Satanas ay kasabay ring gumagawa. Inaantig ng Banal na Espiritu ang loob ng tao, habang kasabay nito ay nagdudulot si Satanas ng mga panggugulo sa loob ng tao. Gayumpaman, ang gawain ng Banal na Espiritu ang nangunguna, at ang mga tao na normal ang mga kalagayan ay kayang pagtagumpayan ito; ito ang tagumpay ng gawain ng Banal na Espiritu laban sa gawain ni Satanas. Habang gumagawa ang Banal na Espiritu, umiiral pa rin ang mga tiwaling disposisyon sa loob ng mga tao; gayumpaman, sa panahon ng gawain ng Banal na Espiritu, madali para sa mga tao na tuklasin at kilalanin ang kanilang paghihimagsik, mga motibo, at mga karumihan. Saka pa lamang nakakaramdam ang mga tao ng pagsisisi at nagiging handang magsisi. Sa gayon, ang kanilang paghihimagsik at tiwaling mga disposisyon ay unti-unting naiwawaksi sa loob ng gawain ng Diyos. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay lubos na normal; habang Siya ay gumagawa sa mga tao, mayroon pa rin silang mga paghihirap, lumuluha pa rin sila, nagdurusa pa rin sila, mahihina pa rin sila, at marami pa rin ang hindi malinaw sa kanila. Ngunit kapag nasa ganito silang mga kalagayan, nagagawa nilang pigilan ang kanilang mga sarili na dumausdos pabalik, at nagagawa pa rin nilang ibigin ang Diyos, at bagama’t lumuluha sila at nababalisa sa loob, nagagawa pa rin nilang purihin ang Diyos; ang gawain ng Banal na Espiritu ay lubos na normal, at kahit katiting ay hindi higit sa natural. Karamihan sa mga tao ay naniniwala na, sa sandaling magsimulang gumawa ang Banal na Espiritu, ang mga pagbabago ay nangyayari sa kalagayan ng mga tao, at ang mga bagay na diwa nila ay iwinawaksi. Ang gayong pagkaunawa ay baluktot. Kapag ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa loob ng tao, ang mga negatibong bagay ng tao ay naroroon pa rin at ang kanyang tayog ay nananatiling gaya ng dati, ngunit nakakamit niya ang pagtanglaw at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at kaya madalas siyang nasa isang positibong kalagayan, ang mga kalagayan sa loob niya ay nagiging normal, at nagbabago siya nang mas mabilis. Sa mga tunay na karanasan ng mga tao, pangunahin nilang nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu o ni Satanas, at kung hindi nila kayang arukin ang mga kalagayang ito at wala silang pagkilatis sa mga ito, ang pagpasok sa mga praktikal na karanasan ay hindi maaari, lalo pa ang mga pagbabago sa disposisyon. Kaya, ang susi sa pagdanas sa gawain ng Diyos ay ang magawang makilatis ang gayong mga bagay; sa ganitong paraan, mas magiging madali para sa kanila na maranasan ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 446

Ginagawa ng gawain ng Banal na Espiritu na positibo at may motibasyon ang mga tao, samantalang ang gawain ni Satanas ay ginagawa silang negatibo at umuurong, naghihimagsik laban sa Diyos at nilalabanan Siya, nawawalan ng pananalig sa Kanya, at nagiging mahina sa paggawa ng kanilang tungkulin. Lahat ng nagmumula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay talagang likas; hindi ito ipinipilit sa iyo. Kung magpapasakop ka rito, magkakaroon ka ng kapayapaan; kung hindi, mararamdaman mo pagkatapos ang pagsaway ng konsensiya. Kung ito ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, hindi ka magugulo o malilimitahan sa anumang ginagawa mo; ikaw ay palalayain, magkakaroon ng isang landas ng pagsasagawa sa iyong mga pagkilos, at makakawala ka sa gapos at magagawa mong kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos. Ang gawain ni Satanas ay nagsasanhi sa iyo ng kaguluhan sa maraming bagay; inaalisan ka nito ng ganang manalangin, ginagawa kang masyadong tamad para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at walang kagustuhang isabuhay ang buhay iglesia, at ihinihiwalay ka nito mula sa espirituwal na buhay. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi nanghihimasok sa iyong pang-araw-araw na buhay at hindi nanghihimasok sa iyong normal na espirituwal na buhay. Hindi mo kayang makilatis ang maraming bagay sa mismong sandaling nangyayari ang mga ito, gayunman, pagkalipas ng dalawang araw, mas lumiliwanag ang puso mo at mas lumilinaw ang isipan mo. Nagkakaroon ka ng kaunting pakiramdam sa mga bagay tungkol sa espiritu, at unti-unti ay nakikilatis mo kung ang isang kaisipan ay nagmumula sa Diyos o mula kay Satanas. Ang ilang bagay ay malinaw na nagtutulak sa iyo na tutulan ang Diyos at maghimagsik laban sa Diyos, o pigilin ka mula sa pagsasagawa ng mga salita ng Diyos; ang mga bagay na ito ay mula lahat kay Satanas. Ang ilang bagay ay hindi kitang-kita, at hindi mo makilatis ang mga ito sa sandaling iyon; pagkatapos, makikita mo ang kanilang mga pagpapamalas at pagkatapos ay magsasagawa ng pagkilatis. Kung nakikilatis mo nang malinaw kung alin ang mga bagay na mula kay Satanas at alin ang pinapatnubayan ng Banal na Espiritu, hindi ka madaling maliligaw sa iyong mga karanasan. Minsan, hindi mabuti ang iyong kondisyon, at mayroon kang kaisipan na nag-aalis sa iyo mula sa iyong negatibong kalagayan. Ipinakikita nito na kahit na ang iyong kalagayan ay hindi kaaya-aya, ang ilan sa iyong mga kaisipan ay maaaring nanggagaling pa rin sa Banal na Espiritu. Hindi totoo na kapag ikaw ay negatibo, ang lahat ng iyong kaisipan ay ipinadadala ni Satanas; kung iyan ay totoo, kailan mo magagawang lumipat sa isang positibong kalagayan? Kapag naging negatibo ka sa loob ng ilang panahon, binibigyan ka ng pagkakataon ng Banal na Espiritu na magawang perpekto; inaantig ka Niya, ipinapaahon ka mula sa iyong negatibong kalagayan, at pumapasok ka sa isang normal na kalagayan.

Pagkatapos malaman kung ano ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang gawain ni Satanas, kaya mong ihambing ang mga ito sa iyong sariling kalagayan sa panahon ng iyong mga karanasan, at sa iyong sariling mga karanasan, at sa ganitong paraan magkakaroon ng higit na marami pang katotohanan na may kaugnayan sa prinsipyo sa iyong mga karanasan. Pagkatapos maunawaan ang mga katotohanang ito tungkol sa prinsipyo, magagawa mong maarok ang iyong aktuwal na kalagayan, magagawa mong makilatis ang mga tao at ang mga pangyayari, at hindi mo kakailanganing gumugol ng napakatinding pagsisikap para makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, iyon ay hangga’t ang iyong mga motibo ay tama, at hangga’t ikaw ay nakahandang maghanap at magsagawa. Ang wika na gaya nito—wika na nauugnay sa mga prinsipyo—ay isang bagay na dapat mayroon ka sa iyong mga karanasan. Kung wala ito, ang iyong mga karanasan ay mapupuno ng panggugulo ni Satanas at ng hangal na kaalaman. Kung hindi mo nauunawaan kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, hindi mo nauunawaan kung paano manalangin sa Diyos o kung paano ka dapat pumasok, at kung hindi mo alam kung paano kumikilos si Satanas para iligaw at guluhin ang mga tao, kung gayon, hindi mo alam kung paano itakwil si Satanas at manindigan sa iyong patotoo. Kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu at kung paano kumikilos si Satanas ay mga bagay na dapat maunawaan ng mga tao, at mga bagay ito na dapat maranasan sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Banal na Espiritu at ang Gawain ni Satanas

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 447

Anong mga aspekto ang kabilang sa normal na pagkatao? Kabatiran, katwiran, konsensiya, at integridad. Kung kaya mong magkamit ng normalidad sa bawat isa sa mga aspektong ito, magiging pasok sa pamantayan ang iyong pagkatao. Dapat kang maging kawangis ng isang normal na tao, at dapat kang maging katulad ng isang nananampalataya sa Diyos. Hindi mo kailangang maabot ang napakarami, o makibahagi sa diplomasya; kailangan mo lamang maging isang normal na tao, na may katwiran ng isang normal na tao, para makilatis ang mga bagay-bagay, at maging katulad man lamang ng isang normal na tao. Sapat na iyon. Lahat ng hinihingi sa iyo ngayon ay naaayon sa iyong mga kapabilidad; hindi ito pagtatangkang pilitin ang isang isda na mabuhay sa lupa. Walang mga salita o gawaing walang kabuluhan na isasagawa sa iyo. Lahat ng kapangitang ipinamalas o ibinunyag sa iyong buhay ay kailangang maiwaksi. Nagawa kayong tiwali ni Satanas at umaapaw sa inyo ang mga lason ni Satanas. Ang tanging hinihingi sa iyo ay ang iwaksi ang mga satanikong tiwaling disposisyong ito. Hindi hinihingi sa iyong maging isang taong may mataas na ranggo, o isang sikat o dakilang tao. Walang kabuluhan iyan. Ang gawaing ginagawa sa inyo ay ginagawa ayon sa kung ano ang likas sa inyo. Ang hinihingi Ko sa mga tao ay itinatakda ng mga hangganan. Kung nagsasanay ka sa paraan at tono ng pagsasalita ng mga intelektuwal, hindi ito uubra; hindi mo ito magagawa. Ayon sa inyong kakayahan, dapat ay magawa man lamang ninyong magsalita nang may karunungan at maingat at ipaliwanag ang mga bagay-bagay nang malinaw at kauna-unawa. Iyon lamang ang kailangan para makatugon sa mga hinihingi. Kung, sa pinakamababa, magtamo kayo ng kabatiran at katwiran, puwede na iyan. Ang pinakamahalaga sa ngayon ay ang iwaksi ang iyong mga satanikong tiwaling disposisyon. Kailangan mong iwaksi ang kapangitang naipapamalas sa iyo. Paano ka magsasalita tungkol sa pinakamataas na katwiran at pinakadakilang kabatiran, kung hindi mo iwawaksi ang mga ito? Maraming tao, nang makita na nagbago na ang kapanahunan, ay walang anumang kapakumbabaan o pasensiya, at masasabi rin na wala silang anumang pagmamahal o kagandahang-asal ng isang banal. Napakakakatwa ng ganitong mga tao! Mayroon man lamang ba silang kahit katiting na normal na pagkatao? Mayroon ba silang anumang patotoong maibabahagi? Lubos silang walang kabatiran o katwiran. Mangyari pa, kailangang itama ang ilang aspekto ng pagsasagawa ng mga tao na baluktot; ang dati nilang mekanikal na espirituwal na buhay at manhid at mapurol na anyo, halimbawa—lahat ng ito ay kailangang baguhin. Ang pagbabago ay hindi nangangahulugan na hahayaan kang maging mapagpalayaw o magpasasa sa laman, na sinasabi ang anumang naisin mo. Hindi ka dapat magsalita nang basta-basta. Ang magkaroon ng pananalita at asal ng isang normal na tao ay ang magsalita nang may pagkakaugnay-ugnay, na sinasabing “oo” kapag “oo” ang ibig mong sabihin, at “hindi” kapag “hindi” ang ibig mong sabihin, pinagbabatayan ang mga katunayan, nagsasalita nang angkop, hindi nanloloko, at hindi nagsisinungaling. Kailangang maunawaan ang mga limitasyong kayang maabot ng isang normal na tao tungkol sa pagbabago ng disposisyon. Kung hindi, hindi ka makakapasok sa realidad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagpapataas ng Kakayahan ay Alang-alang sa Pagtanggap ng Pagliligtas ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 448

Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa katunayan, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa loob ng tao, na ibig sabihin ay, iyong likas na posible para sa tao. Saka natutupad ang kanyang tungkulin. Tungkol naman sa mga kakulangan sa paglilingkod ng tao, ang mga ito ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapasailalim niya sa paghatol; hindi nakapipigil o nakaaapekto ang mga ito sa tungkulin ng tao. Iyong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga kakulangan sa kanilang paglilingkod ang pinakaduwag sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay kumikilos nang pabasta-basta, naiwala na nila ang gampaning dapat taglayin ng isang nilikha. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing basura. Paano matatawag na mga nilikha ang gayong mga tao sa tunay na kahulugan? Hindi ba’t mga bulok silang bagay na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at iyong likas na nagagawa ng Diyos ay hindi umiiral sa kanya. Kung mawala sa tao ang likas na kaya niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilikha o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya, lalong hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o na mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Hindi lang nila hindi kinamumuhian ang kanilang masasamang gawa, kundi tahasan nilang ipinakakalat ang ideya na ang Daan ng Diyos ay mali, at iyong mga mapaghimagsik ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong paghihimagsik, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Iyong mga hindi tumutupad ng kanilang tungkulin ay napakamapaghimagsik sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit sa halip ay bumabatikos sila na mali ang Diyos. Paanong angkop ang gayong tao na magawang perpekto? Hindi ba’t ito ang tanda ng pagtitiwalag at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinakakahindik-hindik na krimen, krimeng kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at magtangkang makipaglaban sa Kanya. Ano ang halaga ng paggawang perpekto sa gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang makonsensiya at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kamuhian ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagiging mapaghimagsik at katiwalian, at higit pa rito, dapat nilang ibigay ang lahat sa Diyos, maging ang buhay nila. Saka lamang sila magiging mga nilikha na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang angkop na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng posibleng kaya ninyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakakilatis ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nasuri na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensiya sa inyong kalooban? Kanino maaaring maging karapat-dapat ang inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Buong-puso Akong deboto sa inyo, nang wala ni katiting na pagpipigil, subalit nagkikimkim kayo ng mga buktot na intensiyon at hindi buo ang puso ninyo sa Akin. Iyan ang tungkuling nagampanan ninyo, ang kakarampot na papel na ginampanan ninyo. Hindi ba’t ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilikha? Paano kayo maituturing na mga nilikha? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi inihanda para sa mga walang-silbi at mababang-uri na katulad ninyo, kundi para sa mga walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang-kakayahan, ay lubos na hindi karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa inyong mga araw! Kung hindi ninyo kayang maging deboto sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kalalabasan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 449

Hindi lamang hindi sinisikap ng mga di-matalinong mayabang na gawin ang lahat ng kanilang makakaya o gampanan ang kanilang tungkulin, kundi inilalahad pa nga nila ang kanilang mga palad para sa biyaya, na para bang karapat-dapat sila sa kanilang hinihingi. At kung bigo silang matamo ang kanilang hinihingi, lalo pa silang nagiging taksil. Paano maituturing na nagtataglay ng katwiran ang gayong mga tao? Mahina ang inyong kakayahan at wala kayong katwiran, ganap kayong walang kakayahang tuparin ang tungkuling dapat ninyong gawin sa gawain ng pamamahala. Bumagsak na ang inyong kahalagahan. Ang kabiguan ninyong suklian Ako sa pagpapakita sa inyo ng gayong biyaya ay isa nang pagpapakita ng sukdulang paghihimagsik, na sapat upang kayo ay kondenahin at magpamalas ng inyong karuwagan, kawalan ng kakayahan, pagiging mababang uri, at karumihan. Ano ang karapatan ninyong patuloy na ilahad ang inyong mga kamay? Ang katunayan na hindi ninyo magawang tumulong kahit kaunti sa Aking gawain, hindi ninyo kayang maging deboto, at hindi kayang manindigan sa inyong patotoo para sa Akin ay ang inyong mga maling gawa at kabiguan, ngunit sa halip ay tinutuligsa ninyo Ako, maling nagsasabi na gumagawa Ako ng mali, at nagrereklamo kayo na hindi Ako matuwid. Ito ba ang bumubuo sa inyong katapatan? Ito ba ang bumubuo sa inyong pagmamahal? Ano ang iba pang gawaing magagawa ninyo na bukod dito? Paano kayo nakapag-ambag sa lahat ng gawaing nagawa? Gaano kalaki ang inyong nagugol? Nagpakita na Ako ng malaking pagpaparaya sa pamamagitan ng hindi Ko paninisi sa inyo, subalit patuloy pa rin kayong hindi nahihiyang mangatwiran sa Akin at magreklamo tungkol sa Akin nang lihim. Mayroon ba kayong kahit katiting na bahid ng pagkatao? Bagama’t ang tungkulin ng tao ay nadudungisan ng maraming kaisipan at kuru-kuro ng tao, kailangan mong gawin ang iyong tungkulin at maging deboto. Ang mga karumihan sa gawain ng tao ay isang isyu ng kanyang kakayahan, samantalang, kung hindi ginagawa ng tao ang kanyang tungkulin, nagpapakita ito ng kanyang paghihimagsik. Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay nakatatanggap ng mga pagpapala o napupunta sa aba. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang bokasyong mula sa langit, at dapat niya itong gampanan nang hindi naghahanap ng gantimpala, at nang walang mga kondisyon o dahilan. Ito lang ang matatawag na paggampan sa tungkulin ng isang tao. Ang pagtanggap ng mga pagpapala ay tumutukoy sa mga pagpapalang natatamasa ng isang tao kapag siya ay ginawang perpekto matapos makaranas ng paghatol. Ang mapunta sa aba ay tumutukoy sa kaparusahang natatanggap ng isang tao kapag ang kanyang disposisyon ay hindi nagbago matapos siyang sumailalim sa pagkastigo at paghatol—ibig sabihin, kapag hindi siya ginagawang perpekto. Ngunit nakatatanggap man sila ng mga pagpapala o napupunta sa aba, dapat tuparin ng mga nilikha ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahangad sa Diyos. Hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin alang-alang sa pagtanggap ng mga pagpapala, at hindi ka dapat tumangging gampanan ang tungkulin mo dahil sa takot na mapunta sa aba. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang paghihimagsik. Sa pamamagitan ng proseso ng paggampan ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas ginagampanan mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan ang makakamit mo, at magiging mas praktikal ang iyong pagpapahayag. Iyong mga pabasta-basta sa paggampan ng kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi gumagampan ng kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi nagsasagawa ng katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila iyong mga nananatiling hindi nagbabago at mapupunta sa aba. Hindi lamang hindi dalisay ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 450

Kung wala kang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, hindi mo malalaman kung paano makipagtulungan sa Diyos. Kung hindi mo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at wala kang kamalayan kung paano gumagawa si Satanas sa tao, hindi ka magkakaroon ng landas para magsagawa. Hindi ka tutulutan ng masigasig na paghahangad lamang na makamit ang mga resultang hinihingi ng Diyos. Ang gayong paraan ng pagdanas ay katulad ng kay Lawrence: ang hindi pagkakaroon ng anumang pagkilatis at pagtuon lamang sa karanasan, lubos na walang kamalayan kung ano ang gawain ni Satanas, kung ano ang gawain ng Banal na Espiritu, kung ano ang kalagayan ng tao nang walang presensya ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang gustong gawing perpekto ng Diyos. Anong mga prinsipyo ang dapat tanggapin kapag nakikitungo sa iba’t ibang uri ng mga tao, paano maunawaan ang mga layuninn ng Diyos sa kasalukuyan, paano malaman ang disposisyon ng Diyos, at kanino, anong mga sitwasyon, at saang kapanahunan nakadirekta ang habag, kamahalan, at katuwiran ng Diyos—wala siyang pagkaunawa sa anuman sa mga ito. Kung hindi marami ang pangitain ng mga tao bilang pundasyon para sa kanilang mga karanasan, hindi na kailangang pag-usapan ang buhay, at lalo na ang karanasan; hangal lang silang nagpapatuloy na magpasakop at magtiis sa lahat ng bagay. Napakahirap na gawing perpekto ang gayong mga tao. Masasabi na kung wala kang anuman sa mga pangitaing binabanggit sa itaas, sapat nang katibayan iyan na isa kang tao na magulo ang isip, para kang isang haligi ng asin na palaging nakatayo sa Israel. Ang gayong mga tao ay walang silbi, walang kuwenta! Ang ilang tao ay pikit-matang nagpapasakop lamang palagi, kilala nila palagi ang kanilang sarili at palagi nilang ginagamit ang sarili nilang mga paraan ng pakikitungo sa mundo kapag pinangangasiwaan ang mga bagong usapin, o gumagamit sila ng “karunungan” upang harapin ang maliliit na bagay na hindi na kailangang banggitin pa. Ang gayong mga tao ay walang pang-unawa, at parang likas sa kanila ang isuko ang kanilang sarili sa pagpapahirap, at gayon sila palagi; hindi sila nagbabago kailanman. Ang ganitong mga tao ay magulo ang isip na wala ni katiting na pagkilatis. Hindi nila alam kung paano gumawa ng mga hakbang na angkop sa mga sitwasyon o sa iba’t ibang tao. Ang gayong mga tao ay walang karanasan. Nakakita na Ako ng ilang tao na nakilala ang kanilang sarili hanggang sa antas na kapag nakikita nila ang mga taong ginagawan ng masasamang espiritu, nagyuyuko pa rin sila ng ulo at umaako sa kasalanan, na hindi nangangahas na tumayo at isumpa ang mga ito. At kapag naharap sa malinaw na gawain ng Banal na Espiritu, hindi sila nangangahas na magpasakop. Naniniwala sila na ang masasamang espiritu ay nasa mga kamay rin ng Diyos, at wala ni katiting na lakas ng loob na tumayo at labanan ang mga ito. Ang gayong mga tao ay nagdadala ng kahihiyan sa Diyos, at lubos na walang kakayahang magdala ng mabigat na pasanin para sa Kanya. Ang mga taong iyon na magugulo ang isip ay hindi gumagamit ng ni katiting na pagkilatis. Ang gayong paraan ng pagdanas, samakatuwid, ay dapat iwaksi, sapagkat hindi ito katanggap-tanggap sa mga mata ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Karanasan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 451

Sa kasalukuyang daloy, lahat niyaong mga tunay na nagmamahal sa Diyos ay may pagkakataon na magawa Niyang perpekto. Maging sila man ay bata o matanda, hangga’t mayroon silang pusong nagpapasakop at natatakot sa Kanya, sila ay kaya Niyang gawing perpekto. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang iba’t ibang papel. Basta’t ginugugol mo ang lahat ng iyong kalakasan, at nagpapasakop sa gawain ng Diyos, ikaw ay magagawa Niyang perpekto. Sa kasalukuyan, wala sa inyong perpekto. Kung minsan nagagampanan ninyo ang isang uri ng papel, at sa ibang pagkakataon nagagampanan ninyo ang dalawa. Hangga’t ginagawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang gugulin ang inyong sarili para sa Diyos, sa kahuli-hulihan kayo ay mapeperpekto ng Diyos.

Ang mga kabataan ay may kakaunting pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at sila ay kulang sa karunungan at kabatiran. Ang Diyos ay dumating upang gawing perpekto ang karunungan at kabatiran ng tao. Ang Kanyang salita ay nagpupuno sa kanilang mga kakulangan. Gayumpaman, ang mga disposisyon ng mga kabataan ay hindi matatag, at dapat mabago ng Diyos. Ang mga kabataan ay may kaunting relihiyosong kuru-kuro at kaunting pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo; sila ay nag-iisip tungkol sa lahat ng bagay sa simpleng paraan, at ang kanilang mga pag-iisip-isip ay hindi komplikado. Ito ang bahagi ng kanilang pagkatao na hindi pa nahubog, at ito ay isang kanais-nais na bahagi; subalit ang mga kabataan ay ignorante at kulang sa karunungan. Ito ay isang bagay na kailangang maperpekto ng Diyos. Ang pagperpekto ng Diyos ay magbibigay-kakayahan sa inyo na mapaunlad ang pagkilatis. Malinaw ninyong mababatid ang maraming espirituwal na bagay, at unti-unting maging isang taong angkop para gamitin ng Diyos. Ang mas matatandang kapatid na lalaki at babae ay mayroon ding kanilang mga papel na gagampanan, at sila ay hindi inaabandona ng Diyos. Ang mas matatandang kapatid din ay parehong may mga kanais-nais at mga hindi kanais-nais na aspekto. Sila ay mayroong maraming pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mayroong maraming relihiyosong kuru-kuro. Sa kanilang mga kilos, sila ay kumakapit sa maraming mahigpit na kinasanayan, at palagi silang nakakiling sa paglalapat ng mga regulasyon—parang robot na kinokopya at mahigpit na inilalapat ang mga ito, at walang kakayahang umangkop. Ito ay hindi isang kanais-nais na aspekto. Gayumpaman, itong mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay nananatiling kalmado at matatag anuman ang nangyayari; ang kanilang mga disposisyon ay matatag at hindi sila basta biglang pabago-bago. Mabagal sila sa pag-unawa sa mga bagay-bagay, subalit ito ay hindi isang malaking pagkukulang. Hangga’t kaya ninyong magpasakop; hangga’t kaya ninyong tanggapin ang pinakabagong mga salita ng Diyos at hindi siyasatin ang mga salita ng Diyos; hangga’t ang inyong layon lamang ay pagpapasakop at pagsunod, at hindi kailanman nanghuhusga sa mga salita ng Diyos o nagkikimkim ng iba pang mga masamang kaisipan tungkol sa mga ito; hangga’t inyong tinatanggap ang Kanyang mga salita at isinasagawa ang mga ito—kung gayon, kapag nasunod ang lahat ng kundisyong ito—kayo ay kayang maperpekto.

Maging kayo man ay mas bata o mas matandang kapatid na lalaki o babae, dapat ay alam ninyo ang papel na dapat ninyong gampanan. Yaong mga nasa kanilang kabataan ay hindi dapat maging hambog; yaong mga mas matatanda ay hindi dapat maging negatibo, o umurong. Higit pa rito, dapat ay magawa nilang gamitin ang mga kalakasan ng bawat isa upang mapunan ang kani-kanilang mga kahinaan, at dapat silang maglingkod sa isa’t isa, nang walang anumang pagtatangi. Isang tulay ng pagkakaibigan ang mabubuo sa pagitan ng mas bata at mas matatandang kapatid na lalaki at babae, at dahil sa pag-ibig ng Diyos, magagawa ninyong mas maunawaan ang isa’t isa. Hindi hahamakin ng mga nakababatang kapatid na lalaki at babae ang mga mas matandang kapatid na lalaki at babae, at ang mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay hindi mag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba: Hindi ba’t maayos na pagtutulungan ito? Kung lahat kayo ay mayroong ganitong paninindigan, kung gayon ang kalooban ng Diyos ay tiyak na maisasakatuparan sa inyong henerasyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Paggampan ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 452

Sa hinaharap, kung ikaw man ay pagpapalain o daranas ng kapahamakan ay pagpapasiyahan batay sa iyong mga kilos at asal ngayon. Kung ikaw ay gagawing perpekto ng Diyos, tiyak na ito ay sa kasalukuyang kapanahunang ito; hindi na magkakaroon ng iba pang pagkakataon sa hinaharap. Tunay na nais ng Diyos na gawin kayong perpekto sa kasalukuyan, at ito ay hindi isang paraan ng pagsasalita. Sa hinaharap anumang mga pagsubok ang dumating sa inyo, anumang mga pangyayari ang maganap, o anumang mga sakuna ang dumating sa inyo, nais ng Diyos na gawin kayong perpekto; ito ay isang tiyak at hindi mapagdududahang katunayan. Mula saan ito kayang makita? Nakikita ito sa katunayan na ang salita ng Diyos, sa lahat ng kapanahunan at mga henerasyon, ay hindi kailanman nakarating sa gayong kataas na tugatog at nakapasok sa pinakamataas na antas na gaya ng ngayon. Ang gawain ng Banal na Espiritu sa lahat ng tao ngayon ay hindi pa kailanman nangyari. Halos walang sinuman mula sa lahat ng nagdaang henerasyon ang nakaranas nito; kahit na sa panahon ni Jesus, wala ang mga paghahayag ng panahon ngayon. Ang mga salitang sinabi sa inyo, kung ano ang naiintindihan ninyo, at ang inyong karanasan ay pawang nakaabot na sa tugatog ng mga ito. Kahit sa gitna ng mga pagsubok at mga pagkastigo, kayong mga tao ay hindi umaalis, at ito ay sapat na upang patunayan na ang gawain ng Diyos ay umabot na sa hindi pa narating na karilagan. Ito ay hindi isang bagay na kayang gawin ng tao. Ito ay hindi isang bagay na pinananatili ng tao; sa halip, ito ay gawain ng Diyos Mismo. Kaya, mula sa maraming katunayan ng gawain ng Diyos, makikita na nilalayong gawing perpekto ng Diyos ang tao, at tiyak na kaya Niya kayong gawing ganap. Kung taglay ninyo ang kabatirang ito, kung natatamo ninyo ang bagong pagtuklas na ito, hindi na ninyo hihintayin ang ikalawang pagdating ni Jesus; sa halip, hahayaan ninyong gawing ganap kayo ng Diyos sa kasalukuyang kapanahunan. Kaya, nararapat na ang bawat isa sa inyo ay gawin ang lubos na makakaya at gawin ang lahat ng makakaya upang magawa kayong perpekto ng Diyos.

Ngayon, hindi mo dapat na pansinin ang mga negatibong bagay. Pansamantala, isantabi mo at huwag pansinin ang anumang bagay na nakakapagparamdam sa iyo ng negatibo. Kapag kumikilos ka, gawin mo ang gayon taglay ang isang pusong naghahanap at na nag-aapuhap, at isang pusong nagpapasakop sa Diyos. Kapag nakakatuklas kayo ng kahinaan sa loob ninyo ngunit hindi ninyo hinahayaang limitahan kayo nito, at inyong ginagampanan ang mga papel na dapat ninyong gampanan, ito ay positibong pagsisikap. Halimbawa, kayong mga nakatatandang kapatid ay may mga kuru-kurong panrelihiyon, nguni’t nakakaya ninyong manalangin, magpasakop, kumain at uminom ng salita ng Diyos, at kumanta ng mga himno…. Bilang buod, dapat ninyong ilaan ang inyong sarili gamit ang lakas na mahuhugot ninyo sa anumang kaya ninyong gawin, anumang mga papel na kaya ninyong gampanan. Huwag pasibong maghintay. Ang mabigyang-kasiyahan ang Diyos sa paggawa ng iyong tungkulin ay ang unang hakbang. Pagkatapos kapag kaya mo nang maintindihan ang katotohanan at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, ikaw ay magagawa nang perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Paggampan ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 453

Ang lahat ng tao na may determinasyon ay maaaring maglingkod sa Diyos—subalit ang mga tao lamang na nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at nauunawaan ang mga layunin ng Diyos ang kalipikado at may karapatang maglingkod sa Diyos. Natuklasan Ko ito sa gitna ninyo: Maraming tao ang naniniwala na hangga’t masigasig nilang ipinapangaral ang daan para sa Diyos, humahayo sila para sa Diyos, gumugugol ng kanilang mga sarili at isinusuko ang mga bagay-bagay para sa Diyos, at iba pa, ito ay paglilingkod sa Diyos. Ang karamihan sa mga relihiyosong tao ay naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibitbit ng Bibliya habang paroo’t parito, pangangaral sa ebanghelyo ng kaharian ng langit at pagliligtas sa mga tao sa pamamagitan ng panghihikayat sa kanila na magsisi at magtapat. Marami ring opisyal ng relihiyon ang nag-iisip na ang paglilingkod sa Diyos ay binubuo ng pangangaral sa mga kapilya matapos makakuha ng mataas na edukasyon at magsanay sa seminaryo, at pagtuturo sa mga tao sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga kasulatan ng Bibliya. Higit pa rito, may mga tao sa naghihirap na mga rehiyon na naniniwalang ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo sa gitna ng kanilang mga kapatid, pananalangin para sa kanila, at paglilingkod sa kanila. Sa gitna ninyo, marami ang naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at pananalangin sa Diyos araw-araw, pati na ang pagbisita at paggawa ng mga gawain sa mga iglesia saanman. May ibang mga kapatid na naniniwala na ang paglilingkod sa Diyos ay nangangahulugan ng hindi pag-aasawa kailanman o pagsisimula ng isang pamilya at paglalaan ng kanilang buong sarili sa Diyos. Ngunit iilang tao ang nakakaalam kung ano talaga ang kahulugan ng paglilingkod sa Diyos. Bagaman ang mga naglilingkod sa Diyos ay kasingdami ng mga bituin sa kalangitan, ang bilang ng mga direktang nakakapaglingkod, at mga may kakayahang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ay kakaunti—hamak na kakaunti. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil hindi ninyo nauunawaan ang diwa ng pariralang “paglilingkod sa Diyos,” at labis na kakaunti ang nauunawaan ninyo sa kung paano maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos. May agarang pangangailangan na maunawaan ng mga tao kung anong uri talaga ng paglilingkod sa Diyos ang alinsunod sa Kanyang mga layunin.

Kung nais ninyong maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan muna ninyong maunawaan kung anong uri ng mga tao ang nakalulugod sa Diyos, kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian ng Diyos, kung anong uri ng mga tao ang ginagawang perpekto ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang kalipikadong maglingkod sa Diyos. Kahit paano, dapat kayong masangkapan ng kaalamang ito. Ang mas mahalaga, dapat ninyong malaman ang layon ng gawain ng Diyos, at ang gawain na gagawin ng Diyos sa kasalukuyan. Matapos maunawaan ito, at sa pamamagitan ng patnubay ng mga salita ng Diyos, dapat muna kayong magkaroon ng pagpasok, at tanggapin muna ninyo ang atas ng Diyos. Kapag nagkaroon na kayo ng praktikal na karanasan sa mga salita ng Diyos, at kapag tunay na ninyong nakikilala ang gawain ng Diyos, kayo ay magiging kalipikadong maglingkod sa Diyos. At bubuksan ng Diyos ang inyong espirituwal na mga mata kapag pinaglilingkuran ninyo Siya at tutulutan Niya kayong magkaroon ng higit na pagkaunawa sa Kanyang gawain at makita ito nang mas malinaw. Kapag pumasok ka sa realidad na ito, ang iyong mga karanasan ay magiging mas malalim at praktikal, at ang lahat sa inyo na nagkaroon na ng ganoong mga karanasan ay magagawang lumakad sa gitna ng mga iglesia at magtustos sa inyong mga kapatid, upang ang bawat isa sa inyo ay makahugot ng kalakasan sa isa’t isa upang mapunan ang inyong sariling mga pagkukulang, at makapagtamo ng mas mayamang pagkakilala sa inyong mga espiritu. Matapos makamit ang epektong ito, saka lamang ninyo makakayang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos at magagawang perpekto ng Diyos sa panahon ng inyong paglilingkod.

Ang mga naglilingkod sa Diyos ay dapat mga kaniig ng Diyos, dapat ay nakalulugod sila sa Diyos, at may kakayahan na maging sukdulang tapat sa Diyos. Pribado man o publiko, sa presensiya ng Diyos, dapat nagagawa ng mga kilos mo na palugurin Siya, at dapat nagagawa ng lahat ng ito na manatiling matatag sa harap ng Diyos; paano ka man tratuhin ng ibang mga tao, dapat palagi mong tahakin ang landas na dapat mong tahakin para magpakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos. Tanging ganitong mga tao ang mga kaniig ng Diyos. Na nagagawa ng mga kaniig ng Diyos na direktang maglingkod sa Kanya ay dahil nabigyan na sila ng dakilang atas ng Diyos at pasanin ng Diyos, nagagawa nilang ituring ang puso ng Diyos bilang kanila, at akuin ang pasanin ng Diyos bilang kanila, at hindi nila isinasaalang-alang ang pakinabang o kawalan ng kanilang kinabukasan sa hinaharap—kahit na ang kinabukasan nila ay na wala silang makakamit, at hindi sila makikinabang, sila ay palaging mananampalataya sa Diyos nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso. At dahil dito, ang ganitong uri ng tao ay kaniig ng Diyos. Ang mga kaniig ng Diyos ay Kanya ring mga kapalagayang-loob; ang mga kapalagayang-loob lamang ng Diyos ang maaaring makibahagi sa Kanyang pagkaapurahan, at sa Kanyang mga saloobin, at bagaman ang kanilang laman ay masakit at mahina, natitiis nila ang pasakit at tinatalikdan ang minamahal nila upang mapalugod ang Diyos. Nagbibigay ang Diyos ng mas maraming pasanin sa gayong mga tao, at kung ano ang nais gawin ng Diyos ay pinatutunayan sa patotoo ng ganoong mga tao. Sa gayon, nakalulugod ang mga taong ito sa Diyos, sila ay mga taong naglilingkod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga layunin, at ang mga tao lamang na tulad nito ang maaaring mamuno kasama ng Diyos bilang mga hari. Ang panahon kung kailan ka tunay na naging kaniig ng Diyos ay ang panahon na talagang mamumuno ka kasama ng Diyos bilang isang hari.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 454

Nagawa ni Jesus na tapusin ang atas ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil mismo nagawa Niyang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, nang hindi gumagawa ng anumang mga plano at pagsasaayos para sa Kanyang sarili. Siya ang kaniig ng Diyos—ng Diyos Mismo—na isang bagay na nauunawaan ninyong laha nang napakabuti. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinanap ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi, “Diyos Ama! Tuparin ang Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, ngunit bakit Mo siya dapat alalahanin? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pagmamalasakit, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong isakatuparan ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga pagnanais.” Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensiyon na umatras; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang nagtutulak sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nilampasan Niya ang lahat ng paglilimita ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang kamatayan, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya. Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon, sa kabuuan nito ay palagi Niyang ginawa ang Kanyang makakaya upang matugunan ang mga layunin ng Diyos ayon sa gawain ng Diyos sa panahong iyon, hindi kailanman isinasaalang-alang ang Kanyang pansariling pakinabang o kawalan, at palaging gumagawa ng mga plano alang-alang sa mga layunin ng Diyos Ama. Kaya, matapos na Siya ay nabautismuhan, sinabi ng Diyos, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Dahil sa Kanyang paglilingkod sa harap ng Diyos na alinsunod sa mga layunin ng Diyos, inilagay ng Diyos ang mabigat na pasanin ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kanyang mga balikat at ipinasakatuparan iyon sa Kanya, at Siya ay kalipikado at may karapatang tumapos sa mahalagang gawaing ito. Sa kabuuan ng Kanyang buhay, tiniis Niya ang di-masusukat na pagdurusa para sa Diyos, at Siya ay tinukso ni Satanas nang di-mabilang na beses, ngunit hindi Siya kailanman pinanghinaan ng loob. Binigyan Siya ng Diyos ng gayon kahalagang gawain dahil may tiwala ang Diyos sa Kanya, at minamahal Siya, kaya nga personal na sinabi ng Diyos, “Ito ang sinisinta Kong Anak, na lubos Kong kinalulugdan.” Sa panahong iyon, si Jesus lamang ang maaaring tumupad sa atas na ito, at ito ay isang aspekto ng mga aktuwal na sirkumstansiya ng pagkompleto ng Diyos sa Kanyang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya.

Kung, katulad ni Jesus, nagagawa ninyong maging mapagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos, at maghimagsik laban sa inyong laman, ipagkakatiwala sa inyo ng Diyos ang Kanyang mabigat na responsabilidad, upang inyong matugunan ang mga kondisyong kinakailangan sa paglilingkod sa Diyos. Sa gayong mga sitwasyon lamang kayo mangangahas na magsabi na kayo ay isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos, isang taong nagtatapos sa atas ng Diyos, at isang tao na tunay na naglilingkod sa Diyos. Kumpara sa halimbawa ni Jesus, nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay kaniig ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na isa kang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos? Nangangahas ka bang sabihin na ikaw ay isang taong tunay na naglilingkod sa Diyos? Ngayon, hindi mo nauunawaan kung paano paglingkuran ang Diyos, ikaw ba ay nangangahas na sabihin na kaniig ka ng Diyos? Kung sinasabi mo na isa kang taong naglilingkod sa Diyos, hindi mo ba Siya nilalapastangan? Pag-isipan ito: Ikaw ba ay naglilingkod sa Diyos, o sa iyong sarili? Naglilingkod ka kay Satanas, ngunit nagmamatigas kang sabihin na naglilingkod ka sa Diyos—sa ganito, hindi mo ba nilalapastangan ang Diyos? Maraming tao—sa Aking likuran—ang nagiging sakim sa mga pakinabang ng katayuan; nagpapakasasa sila sa pagkain, mahilig silang matulog, at lubos nilang inaalagaan ang laman, palaging natatakot na walang landas pasulong para sa laman. Hindi nila tinutupad nang maayos ang kanilang papel sa iglesia, bagkus ay nagiging palamunin sa iglesia, o kaya ay pinangangaralan nila ang kanilang mga kapatid gamit ang Aking mga salita, nililimitahan ang iba mula sa mataas na posisyon. Palaging sinasabi ng mga taong ito na sila ay mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at palaging sinasabi na sila ay mga kaniig ng Diyos—hindi ba’t baligho ito? Kung ikaw ay may mga tamang intensiyon, ngunit hindi magawang maglingkod ayon sa mga layunin ng Diyos, ikaw ay hangal; ngunit kung ang iyong intensiyon ay hindi tama, at sinasabi mo pa rin na ikaw ay isang taong naglilingkod sa Diyos, ikaw ay isang taong sumasalungat sa Diyos, at nararapat kang parusahan ng Diyos! Wala Akong simpatya sa ganoong mga tao! Sa sambahayan ng Diyos, nagiging palamunin sila, palaging nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman, at walang pagsasaalang-alang sa mga interes ng Diyos. Palagi silang naghahanap ng personal na pakinabang, at hindi nila iniintindi ang mga layunin ng Diyos. Hindi nila matanggap ang pagsisiyasat ng Espiritu ng Diyos sa anumang ginagawa nila. Palagi nilang dinadaya ang mga kapatid sa pamamagitan ng pagiging baliko at mapanlinlang, at sila ay mga doble-kara. Katulad na katulad sila sa isang soro sa ubasan, palaging nagnanakaw ng mga ubas at sinisira ang ubasan. Maaari bang maging mga kaniig ng Diyos ang gayong mga tao? Ikaw ba ay nararapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos? Hindi ka umaako ng pasanin para sa iyong buhay at sa iglesia, ikaw ba ay nararapat na tumanggap ng atas ng Diyos? Sino ang mangangahas na magtiwala sa isang katulad mo? Kapag ikaw ay naglilingkod nang ganito, maaari bang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo ang mas malaking gampanin? Hindi ba ito magdudulot ng mga pagkaantala sa gawain?

Sinasabi Ko ito upang inyong malaman kung anong mga kondisyon ang dapat matupad upang maglingkod na alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga puso sa Diyos, kung hindi kayo nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos katulad ni Jesus, mahihirapan kayong makamit ang tiwala ng Diyos, at sa huli ay hahatulan kayo ng Diyos. Marahil ngayon, sa iyong paglilingkod sa Diyos, palagi kang nagkikimkim ng intensyong linlangin ang Diyos at palagi Siyang pinakikitunguhan nang basta-basta. Sa madaling salita, anuman ang mangyari, kung dinadaya mo ang Diyos, malupit na paghatol ang darating sa iyo. Sa ngayon, habang kakapasok pa lamang ninyo sa tamang landas ng paglilingkod sa Diyos, ibigay muna ang inyong puso sa Diyos; hindi kayo puwedng magkaroon ng pusong nahahati. Ikaw man ay nasa harap ng Diyos, o nasa harap ng ibang tao, ang iyong puso ay dapat laging nakabaling sa Diyos, at dapat kang magkaroon ng determinasyon na mahalin ang Diyos katulad ng ginawa ni Jesus. Sa ganitong paraan, gagawin kang perpekto ng Diyos, upang ikaw ay maging isang taong naglilingkod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga layunin. Kung talagang nais mong magawang perpekto ng Diyos, at upang ang iyong serbisyo ay maging alinsunod sa Kanyang mga layunin, dapat mong baguhin ang iyong mga dating pananaw tungkol sa pananalig sa Diyos, at baguhin ang iyong mga lumang paraan ng paglilingkod sa Diyos, nang sa gayon ay higit pa sa loob mo ang magawang perpekto ng Diyos. Sa ganitong paraan, hindi ka tatalikuran ng Diyos, at katulad ni Pedro, pangungunahan mo ang mga nagmamahal sa Diyos. Kung ikaw ay mananatiling hindi nagsisisi, magiging katulad ng kay Hudas ang kalalabasan mo. Ito ay dapat na maunawaan ng lahat ng naniniwala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod Nang Alinsunod sa mga Layunin ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 455

Mula nang simulan ng Diyos ang gawain Niya sa sansinukob, pauna Niyang itinadhana ang maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong mula sa lahat ng uri ng pamumuhay, nang may layon na matugunan ang Kanyang mga layunin at maayos na makompleto ang Kanyang gawain sa lupa—ito ang layon ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang layunin Niyang ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng Diyos, nakikita ng mga tao nang may higit na kalinawan ang karunungan at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa. Sa praktikal na paraan, ang Diyos ay pumarito sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain at makipag-ugnayan sa mga tao, upang mas malinaw nilang malaman ang Kanyang mga gawa. Ngayon, kayo—ang grupong ito ng mga tao—ay mapalad na maglingkod sa praktikal na Diyos. Ito ay di-masusukat na pagpapala para sa inyo—tunay na ito ay pagtataas ng Diyos sa inyo. Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Hinding-hindi iyon ang kaso, gaya ng iniisip ng mga tao, na ang tao ay makapaglilingkod sa Diyos hangga’t mayroon siyang kasigasigan. Ngayon, nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil sa gabay ng Diyos, at na sila ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang mga ito ang mga pinakamababang kondisyon para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos.

Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gampanin. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na ang paglilingkod mo sa Diyos ay ang pag-aalay mo lang ng sarili mong mabubuting intensiyon, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ito dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong karakter, at karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ang mga ito ang karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila mamumulat at magsisisi ngayon, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na nanlilihis ng mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Ang mga umaasa sa kanilang maraming taon ng karanasan para maglingkod sa Diyos upang makuha ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinagmamalaki sa iba ang kanilang mga kredensiyal. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang gayong paglilingkod ay katumbas ng paggambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa luma. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo iwawaksi ang mga ito, sisirain ng mga bagay na ito ang buong buhay mo. Kahit na mabali ang mga binti mo sa pagpaparoo’t parito, mabali ang likod mo sa pagtatrabaho, o kahit pa maging martir ka alang-alang sa “paglilingkod” sa Diyos, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos kahit kaunti. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 456

Simula ngayon, pormal na gagawing perpekto ng Diyos iyong mga walang kuru-kurong panrelihiyon, na handang isantabi ang mga lumang sarili nila, at nagpapasakop sa Diyos sa simpleng paraan. Gagawin Niyang perpekto ang mga nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay dapat tumindig at maglingkod sa Diyos. Sa Diyos, mayroong walang-katapusang kasaganaan at walang-hangganang karunungan. Ang Kanyang kahanga-hangang gawain at mahahalagang salita ay naghihintay na matamasa ng mas maraming tao. Sa ngayon, ang mga taong may mga kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga nag-aakalang nakatataas sila, at ang mga hindi maisantabi ang kanilang mga sarili ay nahihirapang tanggapin ang mga bagong bagay na ito. Walang pagkakataon ang Banal na Espiritu na gawing perpekto ang mga taong ito. Kung ang isang tao ay walang determinasyon na magpasakop, at hindi nauuhaw sa mga salita ng Diyos, wala siyang paraan para matanggap ang mga bagong bagay na ito; siya ay patuloy lamang na magiging mas mapanghimagsik, patuloy na magiging mas tuso, at dahil dito ay hahantong siya sa maling daan. Sa paggawa Niya ng Kanyang gawain ngayon, mas maraming ibabangon ang Diyos na mga tao na tunay na nagmamahal sa Kanya at kayang tumanggap ng bagong liwanag, at lubos Niyang pababagsakin ang mga opisyal ng relihiyon na nagpapalagay na nakatataas sila; hindi Niya nais ang ni isa sa gayong mga tao na matitigas ang ulo na lumalaban sa pagbabago. Nais mo bang maging isa sa mga taong ito? Naglilingkod ka ba ayon sa sarili mong mga kagustuhan o sa hinihingi ng Diyos? Isa itong bagay na dapat ay ikaw mismo ang makaalam. Isa ka bang opisyal ng relihiyon, o isa ka bang bagong-silang na sanggol na ginagawang perpekto ng Diyos? Gaano karami sa paglilingkod mo ang sinasang-ayunan ng Banal na Espiritu? Gaano karami dito ang hinding-hindi tatandaan ng Diyos? Gaano kalaking pagbabago ang naganap sa buhay mo bilang resulta ng lahat ng taon mo ng paglilingkod? Malinaw ba sa iyo ang lahat ng ito? Kung tunay kang nananalig, iwawaksi mo ang mga dati mong kuru-kurong panrelihiyon na mula pa sa nakaraan, at paglilingkuran mo nang mas mabuti ang Diyos sa isang bagong paraan. Hindi pa huli ang lahat para tumindig ngayon. Kayang mapawalan ng saysay ng mga dating kuru-kurong panrelihiyon ang buong buhay ng isang tao. Ang karanasang natatamo ng isang tao ay maaaring magdulot sa kanya na lumayo sa Diyos at umasa sa kanyang sarili sa paggawa ng mga bagay. Kung hindi mo isasantabi ang mga bagay na ito, magiging sagabal ang mga ito sa paglago mo sa buhay. Palaging ginagawang perpekto ng Diyos ang mga naglilingkod sa Kanya, at hindi Niya sila itinitiwalag nang basta-basta na lamang. Kung tunay mong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kung kaya mong isantabi ang mga dating pagsasagawa at regulasyon ng relihiyon, at tumigil sa paggamit ng mga dati mong kuru-kurong panrelihiyon bilang panukat ng mga salita ng Diyos sa kasalukuyan, saka ka lamang magkakaroon ng anumang kinabukasang masasabi. Ngunit kung kakapit ka sa mga lumang bagay mula sa nakaraan, kung pinahahalagahan mo pa rin ang mga ito, walang paraan para mailigtas ka. Hindi pinapansin ng Diyos ang ganitong mga tao. Kung talagang handa kang magawang perpekto, dapat kang magpasya na ganap na talikuran ang lahat ng bagay mula sa nakaraan. Kahit pa tama ang nagawa noon, kahit pa ito ay ginawa ng Diyos, dapat magawa mo pa ring isantabi ito at huwag kumapit dito. Kahit pa malinaw na gawain ito ng Banal na Espiritu, tuwirang ginawa ng Banal na Espiritu, ngayon ay dapat mo itong isantabi. Hindi mo ito dapat panghawakan. Ito ang hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay dapat mapanibago. Sa gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos, pare-pareho Niyang hindi binabanggit ang mga lumang bagay na naganap noon, hindi Siya sumasangguni sa lumang almanak; ang Diyos ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi Siya kumakapit kahit sa sarili Niyang mga salita mula sa nakaraan—na nagpapakita na ang Diyos ay hindi sumusunod sa anumang mga regulasyon. Kaya kung ikaw, bilang isang tao, ay palaging kumakapit sa mga bagay mula sa nakaraan at tumatanggi kang bitiwan ang mga ito, at mahigpit mong ginagamit ang mga ito na para bang pormula, pero ang Diyos ay hindi gumagawa gamit ang mga paraang ginamit Niya noon, hindi ba’t nakagagambala ang mga salita at kilos mo? Hindi ba’t antagonistiko ang mga ito sa Diyos? Handa ka bang hayaang masira ang buong buhay mo dahil sa mga lumang bagay na ito? Ang mga lumang bagay na ito ay gagawin kang isang taong gumagambala sa gawain ng Diyos—ito ba ang uri ng tao na nais mong maging? Kung talagang hindi mo iyon ninanais, itigil mo agad ang iyong ginagawa at ituwid ang iyong sarili; magsimula kang muli. Hindi tatandaan ng Diyos ang paglilingkod mo noon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 457

Hinggil sa gawain, naniniwala ang tao na ang gawain ay pumaroo’t parito para sa Diyos, mangaral sa lahat ng dako, at gumugol para sa Kanyang kapakanan. Bagama’t ang paniniwalang ito ay tama, masyado itong nakatuon sa iisang panig; ang hinihingi ng Diyos sa tao ay hindi lamang ang magparoo’t parito para sa Diyos, sa halip, ito ay higit na ministeryo at pagtustos sa loob ng espiritu. Maraming kapatid, kahit pagkaraan nitong lahat ng taon ng karanasan, ang hindi kailanman nakaisip na gumawa para sa Diyos, dahil ang gawaing iniisip ng tao ay hindi tumutugma sa hinihingi ng Diyos. Samakatwid, walang anumang interes ang tao patungkol sa gawain, at ito mismo ang dahilan kung bakit labis na maka-isang panig din ang pagpasok ng tao. Ang pagpasok ninyong lahat ay dapat magsimula sa paggawa para sa Diyos, upang mas mainam kayong sumailalim sa lahat ng aspekto ng karanasan. Ito ang dapat ninyong pasukin. Ang gawain ay tumutukoy hindi sa pagparoo’t parito para sa Diyos, kundi sa kung ang buhay ng tao at ang isinasabuhay ng tao ay nagagawang magbigay ng kasiyahan sa Diyos. Ang gawain ay tumutukoy sa paggamit ng mga tao ng kanilang katapatan sa Diyos at ng kanilang pagkakilala sa Diyos upang magpatotoo sa Diyos, at magministeryo sa tao. Ito ang responsabilidad ng tao at ito ang dapat maunawaan ng lahat ng tao. Maaaring sabihin na ang pagpasok ninyo ang inyong gawain, at na naghahangad kayong pumasok sa panahon ng inyong paggawa para sa Diyos. Ang pagdanas sa gawain ng Diyos ay hindi lamang nangangahulugan na marunong kayong kumain at uminom ng Kanyang salita; ang mas mahalaga, kailangan ninyong malaman kung paano magpatotoo sa Diyos at makapaglingkod sa Diyos at makapagministeryo at makapaglaan sa tao. Ito ang gawain, at ito rin ang inyong pagpasok; ito ang dapat isakatuparan ng bawat tao. Marami ang nakatuon lamang sa pagparoo’t parito para sa Diyos at pangangaral sa lahat ng dako, subalit nakakaligtaan ang kanilang personal na karanasan at kinaliligtaan ang kanilang pagpasok sa espirituwal na buhay. Ito ang dahilan kaya iyong mga naglilingkod sa Diyos ay naging iyong mga lumalaban sa Diyos. Ang mga taong ito, na naglilingkod na sa Diyos at nagmiministeryo sa tao sa loob ng napakaraming taon, ay itinuring na lamang na pagpasok ang paggawa at pangangaral, at walang sinumang nagturing sa kanilang indibidwal na espirituwal na karanasan bilang isang mahalagang pagpasok. Sa halip, itinuring na nila ang kaliwanagang natatamo nila mula sa gawain ng Banal na Espiritu bilang puhunan para magturo sa iba. Kapag nangangaral, may pasanin sila at tinatanggap nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa pamamagitan nito ay inilalabas nila ang tinig ng Banal na Espiritu. Sa sandaling ito, iyong mga gumagawa ay nasisiyahan na sa sarili, na para bang naging indibidwal na espirituwal na karanasan na nila ang gawain ng Banal na Espiritu; pakiramdam nila, ang lahat ng salitang kanilang sinasambit ay kung ano sila, ngunit para bang ang sarili nilang karanasan ay hindi kasinglinaw ng kanilang nailarawan. Bukod dito, bago magsalita ay wala silang ideya kung ano ang kanilang sasabihin, ngunit kapag gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, tuluy-tuloy na dumadaloy palabas ang kanilang mga salita. Matapos kang makapangaral nang minsan sa gayong paraan, pakiramdam mo ay hindi kasingliit ng iyong akala ang iyong aktuwal na tayog, at kapag marami-rami nang ganitong sitwasyon kung saan gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, saka mo tinutukoy na mayroon ka nang tayog at nagkakamali ka ng paniniwala na ang gawain ng Banal na Espiritu ay ang iyong sariling pagpasok at kung ano ka. Kapag palagi kang dumaranas sa ganitong paraan, magiging pabaya ka tungkol sa iyong sariling pagpasok, magiging tamad nang hindi mo napapansin, at hindi mo na pahahalagahan kahit kaunti ang iyong sariling pagpasok. Dahil dito, kapag nagmiministeryo ka sa iba, kailangan mong matukoy nang malinaw ang pagkakaiba sa pagitan ng iyong tayog at ng gawain ng Banal na Espiritu. Mas mapapadali nito ang iyong pagpasok at maghahatid ng higit na pakinabang sa iyong karanasan. Kapag itinuring ng tao na indibidwal niyang karanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, pinagmumulan ito ng pagkatiwali. Kaya nga sinasabi Ko, anumang tungkulin ang inyong ginagawa, dapat ninyong ituring ang inyong pagpasok bilang isang mahalagang aral.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (2)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 458

Gumagawa ang isang tao upang matugunan ang mga layunin ng Diyos, upang dalhin ang lahat ng alinsunod sa mga layunin ng Diyos sa Kanyang harapan, upang dalhin ang tao sa Diyos, at upang ipakilala ang gawain ng Banal na Espiritu at gabay ng Diyos sa tao, at sa gayon ay napeperpekto ang mga bunga ng gawain ng Diyos. Samakatwid, kinakailangan na lubusang malinaw sa inyo ang diwa ng gawain. Ang bawat tao na ginagamit ng Diyos ay karapat-dapat na gumawa para sa Diyos, ibig sabihin, lahat ay may pagkakataong kasangkapanin ng Banal na Espiritu. Gayunman, may isang punto kayong kailangang matanto: Kapag ginagawa ng tao ang gawaing iniatas ng Diyos, nabigyan na ng pagkakataon ang tao na kasangkapanin ng Diyos, ngunit ang sinasabi at alam ng tao ay hindi ganap na ang tayog ng tao. Ang tanging magagawa ninyo ay mas alamin ang inyong mga kakulangan habang ginagawa ninyo ang inyong gawain, at magkamit ng higit na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu. Sa ganitong paraan, mabibigyang-kakayahan kayo na makapagkamit ng mas mainam na pagpasok sa panahon ng inyong gawain. Kung itinuturing ng tao ang gabay na nagmumula sa Diyos bilang sarili niyang pagpasok at bilang isang bagay na likas sa loob niya, walang potensyal na lumago ang tayog ng tao. Ang pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu sa mga tao ay nagaganap kapag sila ay nasa normal na kondisyon; sa gayong mga pagkakataon, madalas mapagkamalan ng mga tao ang kaliwanagang natatanggap nila bilang sarili nilang aktuwal na tayog, dahil ang paraan ng pagbibigay-liwanag ng Banal na Espiritu ay lubhang normal, at ginagamit Niya kung ano ang likas sa loob ng tao. Kapag gumagawa at nagsasalita ang mga tao, o kapag nagdarasal sila at nag-eespirituwal na debosyon, biglang lumilinaw sa kanila ang isang katotohanan. Gayunman, ang totoo ay nakikita lamang ng tao ang kaliwanagang bigay ng Banal na Espiritu (natural, ang kaliwanagang ito ay konektado sa pakikipagtulungan ng tao) at hindi kumakatawan sa tunay na tayog ng tao. Pagkaraan ng isang panahon ng karanasan kung saan nakakaharap ng tao ang ilang paghihirap at pagsubok, ang tunay na tayog ng tao ay nabubunyag sa ilalim ng gayong mga sitwasyon. Noon lamang matutuklasan ng tao na ang kanyang tayog ay hindi gaanong mataas, at lalabas lahat ang kanyang mga makasariling pagnanais, personal na mga pagsasaalang-alang, kasakiman, at iba pang gayong mga bagay. Pagkaraan lamang ng ilang ulit na mga karanasang katulad nito matatanto ng maraming tao na mulat sa loob ng kanilang espiritu na ang kanilang naranasan noong araw ay hindi ang sarili nilang indibiduwal na realidad, kundi isang panandaliang pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at na natanggap lamang ng tao ang liwanag na ito. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao upang maunawaan ang katotohanan, kadalasan ay sa malinaw at tiyak na paraan, nang hindi ipinaliliwanag kung paano nangyari ang mga bagay-bagay o kung saan patungo ang mga ito. Ibig sabihin, sa halip na isama ang mga paghihirap ng tao sa pagbubunyag na ito, tuwiran Niyang ibinubunyag ang katotohanan. Kapag nakakaranas ang tao ng mga paghihirap sa proseso ng pagpasok, at pagkatapos ay isinasama niya ang kaliwanagang bigay ng Banal na Espiritu, nagiging praktikal na karanasan ito ng tao. … Samakatwid, kasabay ng pagtanggap ninyo sa gawain ng Banal na Espiritu, dapat ninyong higit na pahalagahan ang inyong pagpasok, na nakikita kung ano talaga ang gawain ng Banal na Espiritu at kung ano ang inyong pagpasok, gayundin ang pagsasama ng gawain ng Banal na Espiritu sa inyong pagpasok, upang mas matanggap ninyo ang pagpeperpekto ng Banal na Espiritu at upang ang diwa ng gawain ng Banal na Espiritu ay magawa sa inyo. Habang nararanasan ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu, makikilala ninyo ang Banal na Espiritu, pati na rin ang inyong sarili, at bukod pa riyan, sa gitna ng napakaraming ulit na matitinding pagdurusa, magkakaroon kayo ng normal na relasyon sa Diyos, at ang relasyon ninyo sa Diyos ay mas magiging malapit araw-araw. Pagkaraan ng napakaraming pagkakataon ng pagpupungos at pagpipino, magkakaroon kayo ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Kaya kailangan ninyong matanto na ang pagdurusa, paghampas, at mga kapighatian ay hindi dapat katakutan; ang nakakatakot ay ang pagkakaroon lamang ng gawain ng Banal na Espiritu ngunit hindi ng inyong pagpasok. Pagdating ng araw na tapos na ang gawain ng Diyos, mawawalan ng kabuluhan ang inyong paggawa; bagama’t naranasan ninyo ang gawain ng Diyos, hindi ninyo makikilala ang Banal na Espiritu o hindi kayo magkakaroon ng sarili ninyong pagpasok. Ang kaliwanagang ginagawa ng Banal na Espiritu sa tao ay hindi upang panatilihin ang maalab na kasigasigan ng tao, kundi upang magbukas ng landas para sa pagpasok ng tao, gayundin upang tulutan ang tao na makilala ang Banal na Espiritu, at mula sa puntong ito ay magkaroon ng pusong may takot at labis na pagmamahal sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (2)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 459

Ang mga paglihis sa gawain ng mga sumailalim sa pagpupungos, paghatol at pagkastigo ay mas maliit, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay may napakalalaking paglihis. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay nagpapahayag ng kanilang labis na naturalesa, na nagiging isang napakalaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din siyang magdaan sa pagpupungos at paghatol bago niya magawa ang gawain ng atas ng Diyos. Kung hindi pa siya dumaan sa gayong paghatol, ang kanyang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring maging katugma ng mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanyang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagpupungos at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa napungusan at nahatulan. Iyong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Iyong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi kalipikadong magsagawa ng gawaing atas ng Diyos. Ang gawain ng isang manggagawa na pasok sa pamantayan ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at tulungan silang makapasok nang mas malalim tungo sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibidwal at hindi nakatali sa mga regulasyon, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, unti-unting paglago sa buhay, at unti-unting magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi pasok sa pamantayan ay malayong-malayo. Ang kanyang gawain ay kahangalan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga regulasyon, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibidwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming regulasyon at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang regulasyon na walang halaga. Ang gayong paggabay ay nagliligaw sa mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya, dinadala ka tungo sa kung ano ang mayroon siya at kung ano siya. Upang makilatis ng mga tagasunod kung pasok ba sa pamantayan ang mga lider, ang susi ay ang tumingin sa landas kung saan nila inaakay ang iba at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat kang magkaroon ng pagkilatis sa iba’t ibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging isang naguguluhang tagasunod. May kaugnayan ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo makilatis kung aling pamumuno ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilihis. Lahat ng ito ay may tuwirang kaugnayan sa iyong sariling buhay. Napakaraming naturalesa sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto; napakarami nitong kahalong kagustuhan ng tao. Kung ano sila ay naturalesa—likas silang ganito. Hindi iyon buhay matapos mapungusan o realidad matapos mabago. Paano masusuportahan ng gayong tao ang mga naghahangad ng buhay? Ang buhay na orihinal na taglay ng tao ay ang kanyang likas na talino o talento. Ang ganitong uri ng talino o talento ay napakalayo sa eksaktong mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa napupungusan ang kanyang mga tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Dagdag pa rito, anuman ang kanyang ginagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layon at walang katotohanan na angkop para pasukin ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga isda sila na pinipilit na mabuhay sa lupa. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang mga tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga kuru-kuro ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na ugali na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang likas na ugali na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang mga tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang tao na nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at pagkakilala tungkol sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Ang malalabo at mga di-praktikal na bagay sa kanyang gawain ay unti-unting mababawasan, nagiging kaunti ang mga adulterasyon ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na ang kanyang gawain sa katotohanang realidad at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin sa isipan ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang tao ay may masaganang imahinasyon at makatwirang lohika, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga usapin. Kung ang mga aspektong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagpupungos at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatwid, hindi makakamit ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 460

Kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa tungkol sa maraming kalagayang kalalagyan ng mga tao kapag isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa kanila. Partikular na, yaong mga nakikipagtulungan sa paglilingkod sa Diyos ay dapat na lalo pang mayroong pagkaarok sa mga kalagayang ito. Kung nagsasalita ka lamang tungkol sa maraming karanasan o pamamaraan para makapasok, ipinakikita nito na ang karanasan mo ay masyadong isang-panig. Kung hindi mo alam ang iyong tunay na kalagayan at hindi mo naaarok ang mga katotohanang prinsipyo, hindi posibleng magkamit ng pagbabago sa disposisyon. Kung hindi mo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu o nauunawaan ang ibinubunga nito, mahihirapan kang kilatisin ang gawain ng masasamang espiritu. Kailangan mong ilantad ang gawain ng masasamang espiritu, pati na rin ang mga kuru-kuro ng tao, at tumbukin ang pinakabuod ng usapin; kailangan mo ring tukuyin ang maraming paglihis sa pagsasagawa ng mga tao at ang mga suliraning maaaring umiiral sa kanilang pananalig sa Diyos, upang makilala nila ang mga ito. Kahit paano, dapat hindi mo sila gawing negatibo o pasibo. Gayumpaman, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na obhetibong umiiral para sa karamihan, hindi ka dapat maging hindi makatwiran o magtangkang pumilit sa isang isda na tumira sa lupa; kahangalan iyan. Para malutas ang maraming paghihirap na nararanasan ng mga tao, kailangan mong maunawaan ang mga dinamiko ng gawain ng Banal na Espiritu; kailangan mong maunawaan kung paano isinasagawa ng Banal na Espiritu ang gawain sa iba’t ibang tao, kailangan mong maunawaan ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga tao at ang kanilang mga pagkukulang, at kailangan mong makilatis ang ubod ng problema at alamin ang pinagmulan nito, nang hindi lumilihis o nagkakamali. Saka ka lang isang taong pasok sa pamantayan pagdating sa pakikipagtulungan sa paglilingkod sa Diyos.

Nagagawa mo man o hindi na maunawaan ang mga pangunahing usapin at makita nang malinaw ang maraming bagay ay nakasalalay sa iyong sariling mga karanasan. Ang paraan ng iyong pagdanas ay siya ring paraan ng iyong pag-akay sa iba. Kung nauunawaan mo ang mga salita at doktrina, maaakay mo ang iba na maunawaan ang mga salita at doktrina. Ang paraan ng iyong pagdanas sa realidad ng mga salita ng Diyos ang magiging paraan ng iyong pag-akay sa iba na makapasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung nagagawa mong unawain ang maraming katotohanan at malinaw na kamtin ang kabatiran sa maraming bagay mula sa mga salita ng Diyos, may kakayahan kang akayin ang iba na maunawaan din ang maraming katotohanan, at yaong mga inaakay mo ay magkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga pangitain. Kung magtutuon ka sa pag-arok sa mga damdaming di-pangkaraniwan, gagawin din iyon ng mga inaakay mo. Kung kinaliligtaan mong magsagawa, at sa halip ay binibigyang-diin mo ang pagtatalakay, yaong mga inaakay mo ay magtutuon din sa pagtatalakay, nang hindi man lamang nagsasagawa o nagkakaroon ng anumang pagbabago sa kanilang mga disposisyon; magiging masigasig lamang sila sa panlabas, nang hindi isinasagawa ang anumang mga katotohanan. Tinutustusan ng lahat ng tao ang iba ng kung ano ang mayroon sila mismo. Ang uri ng tao ang tumutukoy sa landas kung saan niya inaakay ang iba, gayundin ang uri ng mga tao na inaakay niya. Upang maging tunay na angkop na gamitin ng Diyos, hindi lamang kayo kailangang magkaroon ng determinasyon, kundi kailangan din ninyo ng maraming kaliwanagan mula sa Diyos, gabay mula sa Kanyang mga salita, karanasang mapungusan Niya, at pagpipino ng Kanyang mga salita. Sa ganitong pundasyon, sa karaniwang mga pagkakataon, dapat kayong magtuon ng pansin sa pag-oobserba, pag-iisip, pagbubulay-bulay, at pagbubuod, at tumanggap o mag-alis nang naaayon dito. Lahat ng ito ay mga landas para sa inyong pagpasok sa realidad, at bawat isa sa mga ito ay lubhang kailangan. Ganito gumagawa ang Diyos. Kung papasok ka sa pamamaraang ito ng paggawa ng Diyos, magkakaroon ka ng mga pagkakataon araw-araw na magawa ka Niyang perpekto. At anumang oras, malupit man o kanais-nais ang iyong kapaligiran, sinusubok ka man o tinutukso, gumagawa ka man o hindi, at namumuhay ka man nang mag-isa o bahagi ka ng isang grupo, palagi kang makahahanap ng mga pagkakataon para magawang perpekto ng Diyos, nang hindi pinalalampas ni isa sa mga ito. Magagawa mong tuklasin ang lahat ng mga ito—at sa ganitong paraan, masusumpungan mo ang lihim sa pagdanas ng mga salita ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Dapat Taglayin ng Isang Pastol na Angkop Gamitin

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 461

Sa panahong ito, maraming taong hindi pumapansin sa mga aral na dapat matutunan habang nakikipagtulungan sa iba. Natuklasan Ko na marami sa inyo ang hindi man lamang matuto ng mga aral habang nakikipagtulungan sa iba; karamihan sa inyo ay nakapagkit sa sarili ninyong mga pananaw. Kapag gumagawa sa iglesia, sinasabi mo ang gusto mong sabihin at sinasabi ng iba pa ang gusto nila, at walang kaugnayan ang isa sa isa pa; ni hindi ka aktwal na tumutulong. Kayong lahat ay nakatuon lamang sa pagbabahagi ng sarili ninyong mga kabatiran at nakatuon lamang sa paglalabas ng mga “pasanin” na dala-dala ninyo sa inyong loob, nang hindi hinahangad ang buhay kahit sa pinakamaliit na paraan. Ang lahat ng ito ay tila ba iniraraos lang ninyo ang inyong gawain, palaging naniniwala na paano man umasal ang iba, dapat mong lakaran ang landas na dapat mong lakaran, at na paano man umasal ang iba, dapat kang magbahagi ayon sa paggabay sa iyo ng Banal na Espiritu. Hindi ninyo nagagawang tuklasin ang mga kalakasan ng iba, at ni hindi rin ninyo kayang suriin ang inyong sarili. Ang pagkaunawa ninyo sa mga bagay-bagay ay talagang baluktot. Masasabi na kahit ngayon ay madalas pa rin kayong nananatili sa mga kalagayan ng pagmamagaling, na para bang nagbalik kayo sa dating sakit na iyon. Hindi kayo nakikipagbahaginan sa isa’t isa sa isang paraan na nagkakamit ng ganap na pagiging hayagan, halimbawa, tungkol sa uri ng kinalabasang natamo ninyo sa paggawa sa ilang iglesia, o tungkol sa kung ano ang naging kondisyon ng iyong kalooban kamakailan, at iba pa; sadyang hindi kayo nagbabahagi kailanman tungkol sa gayong mga bagay. Talagang hindi kayo lumalahok sa mga pagsasagawa tulad ng pagbitaw sa sarili ninyong mga haka-haka o paghihimagsik laban sa inyong sarili. Iniisip lamang ng mga lider at manggagawa kung paano mapapanatiling hindi negatibo ang kanilang mga kapatid at kung paano nila magagawang sumunod nang masigla. Gayunman, iniisip ninyong lahat na sapat nang sumunod lamang nang masigla, at higit sa lahat, hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng kilalanin ang inyong sarili at maghimagsik laban sa inyong sarili, lalong hindi ninyo nauunawaan ang kahulugan ng makipagtulungan sa iba sa paglilingkod. Iniisip lamang ninyo mismo ang tungkol sa pagkakaroon ng determinasyon na suklian ang Diyos sa Kanyang pagmamahal, ang tungkol sa pagkakaroon ng determinasyon na isabuhay ang estilo ni Pedro. Maliban sa mga bagay na ito, wala na kayong iba pang iniisip. Sinasabi pa ninyo na, paano man umasal ang iba, hindi ka susunod nang may kahangalan, at na anumang klase ang mga tao, hahangarin mo mismo na magawang perpekto ng Diyos, at magiging sapat na iyon. Gayunman, ang katunayan ay na hindi kongkretong naipahayag ang iyong determinasyon sa anumang paraan sa realidad. Hindi ba lahat ng ito ang uri ng pag-uugaling ipinapakita ninyo sa panahong ito? Mahigpit na kumakapit ang bawat isa sa inyo sa sarili ninyong kabatiran, at hangad ninyong lahat na magawang perpekto. Nakikita Ko na nakapaglingkod kayo sa loob ng napakatagal na panahon nang walang gaanong nagawang pag-unlad; lalo na, sa aral na ito ng pakikipagtulungan nang may pagkakasundo, wala talaga kayong nakamit na anuman! Kapag nagpupunta sa mga iglesia, nagbabahagi ka sa sarili mong paraan, at nagbabahagi ang iba sa kanilang paraan. Bihirang magkaroon ng pakikipagtulungan nang may pagkakasundo, at mas totoo pa nga ito sa mga alagad na nakakababa sa iyo. Ibig sabihin, bihirang maunawaan ng sinuman sa inyo kung ano ang paglilingkod sa Diyos, o kung paano dapat maglingkod ang isang tao sa Diyos. Naguguluhan kayo at itinuturing ninyong maliliit na bagay ang ganitong uri ng aral. Maraming tao pa ngang hindi lamang bigong isagawa ang aspektong ito ng katotohanan, kundi sadya ring gumagawa ng mali. Kahit ang mga naglingkod na nang maraming taon ay nag-aaway-away at nagpaplano laban sa isa’t isa at naiinggit at nakikipagkumpitensya; kanya-kanya sila ng ginagawa, at ni hindi sila nagtutulungan. Hindi ba kumakatawan ang lahat ng bagay na ito sa inyong aktwal na tayog? Kayong mga tao ay sama-samang naglilingkod araw-araw, kagaya lang ng mga Israelita na direktang naglingkod sa Diyos Mismo araw-araw sa templo. Paano nangyari na kayong mga tao, na naglilingkod sa Diyos, ay walang ideya kung paano makipagtulungan o kung paano maglingkod?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 462

Ang hinihingi sa inyo ngayon—na magtulungan kayo nang may pagkakasundo—ay katulad lang ng hiningi ni Jehova sa mga Israelita sa kanilang paglilingkod sa Kanya; kung hindi, tumigil na lang kayo sa paglilingkod. Dahil kayo ay mga taong tuwirang naglilingkod sa Diyos, kailangan ay mayroon man lang kayong kakayahang maging tapat at magpasakop sa inyong paglilingkod, at kailangan din kayong matuto ng mga aral sa praktikal na paraan. Lalo na para sa inyo na gumagawa sa iglesia, mangangahas ba ang sinuman sa mga kapatid na nakakababa sa inyo na pungusan kayo? Mangangahas ba ang sinuman na sabihin sa inyo nang harapan ang mga pagkakamali ninyo? Nakatataas kayo sa lahat ng iba pa; gumagamit kayo ng kapangyarihan gaya ng mga hari! Ni hindi nga kayo natututo o pumapasok sa ganitong mga uri ng praktikal na mga aral, subalit nagsasalita pa rin kayo tungkol sa paglilingkod sa Diyos! Sa kasalukuyan, hinihilingan kang mamuno sa ilang iglesia, ngunit hindi mo lamang hindi isinusuko ang iyong sarili, kundi kumakapit ka pa sa sarili mong mga haka-haka at opinyon, na nagsasabi ng mga bagay na gaya ng, “Sa tingin ko, dapat gawin ang bagay na ito sa ganitong paraan. Sinabi na ng Diyos na hindi tayo dapat mapigilan ng iba at na sa mga panahong ito ay hindi tayo dapat sumunod nang pikit-mata.” Samakatwid, bawat isa sa inyo ay kumakapit sa sarili ninyong opinyon, at walang sinumang sumusunod sa isa’t isa. Bagama’t malinaw ninyong alam na hindi sumusulong ang inyong paglilingkod, sinasabi pa rin ninyo, “Sa nakikita ko, hindi nalalayo ang paraan ko sa nararapat. Ano’t anuman, may panig ang bawat isa sa atin: Magsalita ka tungkol sa panig mo, at magsasalita ako tungkol sa akin; nagbabahagi ka tungkol sa mga pangitain mo, at magbabahagi naman ako tungkol sa pagpasok ko.” Hindi ninyo kailanman inaako ang responsibilidad para sa maraming bagay na dapat iwasto, o pinangangasiwaan ninyo ang mga ito nang pabasta-basta, ang bawat isa sa inyo ay nagpapahayag ng sarili ninyong mga opinyon at maingat na nagpoprotekta sa sarili ninyong katayuan, reputasyon, at kahihiyan. Walang sinuman sa inyo ang handang magpakumbaba, at alinmang panig ay hindi magkukusang isuko ang sarili at magpuno sa mga pagkukulang ng isa’t isa upang mas mabilis na umunlad ang buhay. Kapag nakikipagtulungan kayo sa isa’t isa, dapat kayong matutong maghangad ng katotohanan. Maaari ninyong sabihing, “Hindi malinaw ang pagkaunawa ko sa aspektong ito ng katotohanan. Ano ang karanasan mo rito?” O, maaari mong sabihing, “Mas marami kang mga karanasan kaysa sa akin sa aspektong ito; maaari mo ba akong gabayan nang kaunti?” Hindi ba iyon magandang paraan ng pagtrato roon? Nakinig na kayo sa maraming sermon, at may kaunti kayong mga karanasan sa paglilingkod. Kung hindi kayo natututo sa isa’t isa, nagtutulungan, at nagpupuno sa mga pagkukulang ng isa’t isa kapag gumagawa kayo ng gawain sa mga iglesia, paano kayo matututo ng mga aral? Tuwing may nakakaharap kayong anuman, dapat kayong magbahaginan sa isa’t isa upang makinabang ang buhay ninyo. Dapat kayong magbahaginang mabuti tungkol sa anumang uri ng bagay bago gumawa ng anumang mga desisyon. Sa paggawa lamang nito kayo umaako ng responsibilidad para sa iglesia sa halip na kumilos lang nang walang interes. Matapos ninyong bisitahin ang lahat ng iglesia, dapat kayong magtipun-tipon at magbahaginan tungkol sa lahat ng isyung natutuklasan ninyo at anumang mga problemang naranasan ninyo sa inyong gawain, at dapat din kayong magbahaginan tungkol sa kaliwanagan at pagtanglaw na inyong natanggap—kailangang-kailangan ang pagsasagawang ito ng paglilingkod. Kailangan kayong magtulungan nang maayos para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa kapakinabangan ng iglesia, at upang hikayating sumulong ang inyong mga kapatid. Dapat kang makipagtulungan sa iba, na bumabawi sa pagkukulang ng isa’t isa at nagkakamit ng mas magagandang resulta sa gawain, upang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at ang mga gumagawa lamang nito ang mayroong tunay na pagpasok. Habang nagtutulungan, maaaring hindi naaangkop ang ilan sa mga salitang sinasabi mo, ngunit hindi iyon mahalaga. Magbahaginan kayo tungkol doon kalaunan, at magtamo ng malinaw na pagkaunawa rito; huwag itong kaligtaan. Pagkatapos ng ganitong uri ng pagbabahaginan, maaari na kayong humayo at punan ang mga pagkukulang ng inyong mga kapatid. Sa pamamagitan lamang ng mas pagpapalalim nang ganito sa inyong gawain kayo magtatamo ng mas magagandang resulta. Bawat isa sa inyo, bilang mga taong naglilingkod sa Diyos, ay kailangang maprotektahan ang mga interes ng iglesia sa lahat ng bagay, sa halip na isaalang-alang ang sarili ninyong mga interes. Hindi puwedeng magsolo lang kayo, na pinapahina ang bawat isa. Ang mga taong gayon ang ugali ay hindi karapat-dapat na maglingkod sa Diyos! Ang gayong mga tao ay may napakasamang disposisyon; wala sila ni katiting na pagkatao. Siyento por siyentong Satanas ang mga iyon! Mga hayop sila! Kahit ngayon, nangyayari pa rin sa inyo ang gayong mga bagay; umaabot pa nga kayo sa puntong inaatake ninyo ang isa’t isa kapag nagbabahaginan kayo, at sadyang naghahanap ng mga dahilan at namumula ang buong mukha habang pinagtatalunan ninyo ang isang maliit na bagay, parehong ayaw na isantabi ang kanilang sarili, nagkikimkim ang bawat isa ng sarili niyang mga intensyon, masusing pinanonood ang kabilang panig at nagbabantay. Angkop bang maglingkod sa Diyos ang ganitong uri ng disposisyon? Kaya ba ng gawaing tulad ng sa iyo na tustusan ng anuman ang iyong mga kapatid? Hindi mo lamang hindi nagagabayan ang mga tao patungo sa tamang landas ng buhay, kundi ikinikintal mo pa sa iyong mga kapatid ang iyong mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t ipinapahamak mo ang iba? Ang sama-sama at bulok na bulok ng konsensiya mo! Hindi ka pumapasok sa realidad, ni hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Dagdag pa riyan, hindi ka na nahiyang ipakita sa iba ang iyong likas na kademonyohan. Hindi ka talaga marunong mahiya! Ipinagkatiwala na sa iyo ang mga kapatid na ito, subalit dinadala mo sila sa impiyerno. Hindi ka ba isang taong bulok na ang konsensiya? Wala ka talagang hiya!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 463

Nagagawa mo bang ipabatid ang disposisyong ipinahayag ng Diyos sa bawat kapanahunan sa isang kongkretong paraan, gamit ang wikang angkop at nagtataglay ng kabuluhan ng kapanahunang iyon? Ikaw ba, na nakakaranas ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, ay may kakayahan na detalyadong ilarawan ang matuwid na disposisyon ng Diyos? Malinaw at tumpak ka bang makapagpapatotoo sa disposisyon ng Diyos? Paano mo sasabihin ang iyong nakita at naranasan sa nakakaawa, dukha, at debotong relihiyosong mga mananampalataya na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran at naghihintay sa iyo na pastulan sila? Anong uri ng mga tao ang naghihintay sa iyo na pastulan sila? Naiisip mo ba? Alam mo ba ang pasaning nasa iyong mga balikat, ang iyong atas, at ang iyong responsabilidad? Nasaan ang iyong kamalayan sa makasaysayang misyon? Paano ka magsisilbi nang wasto bilang isang panginoon ng susunod na kapanahunan? Mayroon ka bang malakas na pakiramdam ng pagiging panginoon? Paano dapat ipaliwanag ang panginoon ng lahat ng bagay? Ito ba talaga ang panginoon ng lahat ng nabubuhay na nilalang at lahat ng pisikal na bagay sa mundo? Ano ang mga plano mo para sa pag-usad ng susunod na yugto ng gawain? Ilang tao ang naghihintay sa iyo na pastulan sila? Mabigat ba ang iyong gampanin? Sila ay dukha, kaawa-awa, bulag, at hindi alam ang gagawin, tumatangis sa kadiliman—nasaan ang daan? Lubha silang nananabik sa liwanag, tulad ng isang bulalakaw, na biglang bababa at magtataboy ng mga puwersa ng kadiliman na nang-api sa tao sa loob ng maraming taon. Sila ay balisang umaasa, at nananabik, araw at gabi, para dito—sino ang ganap na makaaalam nito? Kahit sa araw na nagdaraan nang mabilis ang liwanag, ang mga taong ito na labis na nagdurusa ay nananatiling nakakulong sa isang madilim na piitan nang walang pag-asang mapalaya; kailan sila titigil sa pagtangis? Malubha ang kasawian ng marurupok na espiritung ito na hindi kailanman napagkalooban ng kapahingahan, at matagal nang nananatiling nakagapos sa kalagayang ito ng walang-awang mga gapos at napakong kasaysayan. At sino na ang nakarinig sa tunog ng kanilang pagtangis? Sino na ang nakakita sa kanilang miserableng kalagayan? Naisip mo na ba kung gaano kalungkot at kabalisa ang puso ng Diyos? Paano Niya matitiis na makita ang inosenteng sangkatauhan, na nilikha ng sarili Niyang mga kamay, na nagdurusa ng gayong pagpapahirap? Kunsabagay, ang sangkatauhan ang mga biktimang nalason na. At bagama’t nanatiling buhay ang tao hanggang sa araw na ito, sino ang nakaaalam na matagal nang nalason ng masama ang sangkatauhan? Nalimutan mo na ba na isa ka sa mga biktima? Hindi ka ba handang magsikap, dala ng iyong pagmamahal sa Diyos, na iligtas ang lahat ng natirang buhay na ito? Hindi ka ba handang ilaan ang lahat ng iyong lakas upang suklian ang Diyos, na nagmamahal sa sangkatauhan na parang sarili Niyang dugo’t laman? Paano mo ba talaga naaarok ang paggamit sa iyo ng Diyos upang maipamuhay mo ang iyong ekstraordinaryong buhay? Talaga bang mayroon kang determinasyon at pananalig na ipamuhay ang makabuluhang buhay ng isang taong deboto at mapaglingkod sa Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Asikasuhin ang Misyon Mo sa Hinaharap?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 464

Ang mga tao ay nananampalataya sa Akin, ngunit hindi nila kayang magpatotoo sa Akin, ni makapagpatotoo sa Akin bago Ko ibunyag ang Aking sarili. Nakikita lamang ng mga tao na nahihigitan Ko ang mga nilikha at lahat ng banal na tao, at nakikitang hindi kayang gawin ng tao ang gawaing ginagampanan Ko. Samakatwid, mula sa mga Hudyo hanggang sa mga tao ng kasalukuyang panahon, lahat ng nakakikita sa Aking maluwalhating mga gawa ay napupuno ng walang iba kundi pagkamausisa tungo sa Akin, pero wala ni isang bibig ng nilikha ang nagawang magpatotoo sa Akin. Tanging ang Aking Ama ang nagpatotoo sa Akin, at gumawa ng landas para sa Akin sa gitna ng lahat ng nilikha; kung hindi Niya ginawa iyon, gaano man Ako gumawa, hindi kailanman malalaman ng tao na Ako ang Lumikha, dahil ang alam lamang ng tao ay kumuha sa Akin at may pananalig siya sa Akin hindi dahil sa Aking gawain. Kilala lamang Ako ng tao dahil wala Akong kasalanan at hindi makasalanan sa anumang bahagi, dahil naipapaliwanag Ko ang maraming misteryo, dahil nakahihigit Ako sa karamihan, o dahil nakinabang mula sa Akin ang tao, ngunit kaunti ang naniniwalang Ako ang Lumikha. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na hindi alam ng tao kung bakit dapat siyang magkaroon ng pananalig sa Akin; hindi niya alam ang layunin o kahalagahan ng pagkakaroon ng pananalig sa Akin. Ang realidad ng tao ay kapos na kapos, kaya siya ay halos hindi angkop na magpatotoo sa Akin. Masyadong kaunti ang tunay ninyong pananalig at masyadong kaunti ang inyong natamo, kaya masyadong kaunti ang inyong patotoo. Bukod diyan, masyadong kaunti ang inyong nauunawaan at masyadong marami ang inyong kakulangan, kaya halos nagkukulang kayo sa pangangailangan makapagpatotoo sa Aking mga gawa. Matindi nga ang inyong determinasyon, ngunit talaga bang makatitiyak kayo na magagawa ninyong magpatotoo sa diwa ng Diyos? Ang naranasan at nakita ninyo ay higit pa sa naranasan at nakita ng mga santo at propeta mula sa lahat ng kapanahunan, ngunit kaya ba ninyong magbigay ng patotoo sa Akin na higit pa sa mga salita ng mga dating santo at propetang ito? Ang ipinagkakaloob Ko sa inyo ngayon ay higit pa sa ipinagkaloob Ko kay Moises at kay David, kaya’t gayundin ay hinihingi Ko na ang inyong patotoo ay humigit pa sa kay Moises at ang inyong mga salita ay humigit pa sa kay David. Sandaang beses ang Aking ibinibigay sa inyo—kaya’t gayundin ay hinihingi Ko sa inyo na suklian Ako ng sandaang beses. Dapat ninyong malaman na Ako ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, at kayo ang tumatanggap ng buhay mula sa Akin at dapat magpatotoo sa Akin. Ito ang inyong tungkulin na Aking itinatalaga sa inyo at nararapat ninyong gawin para sa Akin. Ipinagkaloob Ko na sa inyo ang lahat ng Aking kaluwalhatian, ipinagkaloob Ko sa inyo ang buhay na hindi kailanman natanggap ng hinirang na mga tao ng Israel. Dapat kayong magpatotoo para sa Akin at italaga ang inyong kabataan at ialay ang inyong buhay sa Akin. Ang sinumang pagkalooban Ko ng Aking kaluwalhatian ay dapat na magpatotoo at mag-alay ng kanyang buhay para sa Akin—matagal Ko na itong paunang inorden. Isang pagpapala na ipinagkakaloob Ko ang Aking kaluwalhatian sa inyo, at tungkulin ninyo na magpatotoo sa Aking kaluwalhatian. Kung mananampalataya kayo sa Akin alang-alang lamang sa mga pagpapala, walang gaanong magiging kabuluhan ang Aking gawain, at hindi ninyo gagawin ang inyong tungkulin. Ang nakita lamang ng mga Israelita ay ang Aking awa, mapagmahal na kabaitan, at kadakilaan, at ang nasaksihan lamang ng mga Hudyo ay ang Aking tiyaga at pagtubos. Kaunting-kaunti lamang ang nakita nila sa gawain ng Aking Espiritu; at ang nangyari pa nga ay ang naunawaan nila ay katiting lang ng narinig at nakita ninyo. Ang nakita ninyo ay higit pa maging sa nakita ng mga pinunong saserdote sa gitna nila. Ang mga katotohanan na inyong naunawaan ngayon ay higit sa nauunawaan nila; ang nakita ninyo ngayon ay higit pa sa nakita noong Kapanahunan ng Kautusan, pati na rin sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang naranasan ninyo ay higit pa maging sa naranasan nina Moises at Elias. Sapagkat ang naunawaan lamang ng mga Israelita ay ang kautusan ni Jehova, at ang nakita nila ay ang likuran lamang ni Jehova; ang naunawaan lamang ng mga Hudyo ay ang pagtubos ni Jesus, ang natanggap nila ay ang biyaya lamang na ipinagkaloob ni Jesus, at ang nakita nila ay ang wangis lamang ni Jesus sa loob ng sambahayan ng mga Hudyo. Ang nakikita ninyo ngayon ay ang kaluwalhatian ni Jehova, ang pagtubos ni Jesus, at ang lahat ng gawang ginagawa Ko ngayon. Naririnig din ng sarili ninyong mga tainga ang mga salita ng Aking Espiritu, at nagkamit kayo ng pagpapahalaga sa Aking karunungan, nakilala ninyo ang Aking pagiging kamangha-mangha, at nalaman ang Aking disposisyon. Sinabi Ko rin sa inyo ang lahat ng Aking plano ng pamamahala. Ang nakita ninyo ay hindi lamang isang mapagmahal at mahabaging Diyos, kundi isang Diyos na puno ng katuwiran. Nakita ninyo ang pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain at nakilala ninyo na Ako ay nag-uumapaw sa pagiging maharlika at poot; lalong nababatid ninyo na minsan Ko nang ibinuhos ang Aking nagpupuyos na galit sa sambahayan ng Israel, at na sumapit na ito ngayon sa inyo. Higit pa ang nauunawaan ninyo sa Aking mga misteryo sa langit kaysa sa naunawaan nina Isaias at Juan; higit pa ang nalalaman ninyo tungkol sa Aking pagiging kaibig-ibig at pagiging kagalang-galang kaysa sa nalalaman ng lahat ng banal ng mga nakaraang kapanahunan. Ang natanggap ninyo ay hindi lamang ang Aking katotohanan, ang Aking daan, at ang Aking buhay, kundi mga pangitain at paghahayag na higit pa sa natanggap ni Juan. Naunawaan ninyo ang higit na maraming misteryo, at nakita na rin ang Aking tunay na mukha; higit pa ang natanggap ninyo sa Aking paghatol at higit pa ang nakilala ninyo tungkol sa Aking matuwid na disposisyon. Kung kaya, kahit na ipinanganak kayo sa mga huling araw, nauunawaan ninyo ang mga bagay na nauna at ang mga bagay sa nakalipas, at naranasan na rin ninyo ang mga bagay sa kasalukuyan, na personal Kong ginawa. Hindi labis ang hinihingi Ko sa inyo, sapagkat napakarami Ko nang naibigay sa inyo, at napakarami na ninyong nakita sa Akin. Samakatwid, hinihingi Ko sa inyong magpatotoo para sa Akin sa mga banal ng mga nagdaang kapanahunan, at ito lamang ang nais ng Aking puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 465

Alam mo ba talaga ngayon kung bakit ka dapat manampalataya sa Akin? Alam mo ba talaga ang layunin at kabuluhan ng Aking gawain? Alam mo ba talaga ang iyong tungkulin? Alam mo ba talaga kung ano ang Aking patotoo? Kung nananampalataya ka lamang sa Akin, ngunit walang tanda ng Aking kaluwalhatian o patotoo sa iyo, matagal na kitang itiniwalag kung gayon. Para sa mga nakakaunawa sa lahat ng bagay, sila ay lalo pang mga tinik sa Aking mata, at sa Aking sambahayan, mga balakid lamang sila sa Aking daan, sila ay mga panirang damo na ganap na tatahipin paalis sa Aking gawain, wala silang anumang silbi, walang anumang halaga, at matagal Ko na silang kinasusuklaman. Madalas bumabagsak ang Aking galit sa lahat ng walang patotoo, at hindi kailanman lumilihis sa kanila ang Aking pamalo. Matagal Ko na silang ibinigay sa mga kamay ng masama; ganap silang pinagkaitan ng Aking mga pagpapala. Kapag dumating ang araw, ang kanilang pagkastigo ay magiging mas mabigat pa kaysa sa pagkastigo sa mga hangal at matitigas ang ulong babae. Ngayon, ginagawa Ko lang ang gawaing tungkulin Kong gawin, pinagbubungkos-bungkos ang lahat ng trigo, kasama ang mga panirang damo na iyon. Ito ang Aking gawain ngayon. Tatahipin ang lahat ng panirang damong iyon sa panahon ng Aking pagtatahip, pagkatapos, ang mga butil ng trigo ay iipunin sa kamalig, at ang mga panirang damo na natahip na ay itatapon sa apoy upang sunugin hanggang maging abo. Ang Aking gawain ngayon ay bigkisin lamang ang lahat ng tao nang tungkos-tungkos; ibig sabihin, ganap na lupigin sila. Saka Ko sisimulan ang pagtatahip upang ibunyag ang mga kinalabasan ng lahat ng tao. Kung kaya’t dapat mong malaman kung paano mo Ako dapat palugurin ngayon, at kung paano mo dapat tahakin ang tamang landas sa iyong pananalig sa Akin. Ang nais Ko ay ang iyong katapatan at pagpapasakop ngayon, ang iyong pagmamahal at patotoo ngayon. Kahit na hindi mo pa alam sa sandaling ito kung ano ang patotoo o kung ano ang pagmamahal, dapat mong ibigay sa Akin ang iyong lahat-lahat, at ipagkatiwala sa Akin ang tanging mga kayamanan na mayroon ka: ang iyong katapatan at pagpapasakop. Dapat mong malaman na ang patotoo sa Aking paggapi kay Satanas ay nasa katapatan at pagpapasakop ng tao, gayundin ang patotoo sa Aking ganap na paglupig sa tao. Ang tungkulin ng iyong pananalig sa Akin ay ang magpatotoo sa Akin, maging tapat sa Akin at wala nang iba, at maging mapagpasakop hanggang sa huli. Bago Ko simulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain, paano ka dapat magpatotoo sa Akin? Paano ka dapat maging tapat at mapagpasakop sa Akin? Magpapakita ka ba ng debosyon sa iyong gampanin o basta ka na lang susuko? Mas nanaisin mo bang magpasakop sa bawat pagsasaayos Ko (maging ito man ay kamatayan o pagkawasak), o tumakas sa kalagitnaan upang maiwasan ang Aking pagkastigo? Kinakastigo kita upang ikaw ay magpatotoo sa Akin, at maging tapat at mapagpasakop sa Akin. Maaari ding sabihin na ang kasalukuyang pagkastigo ay alang-alang sa pagsasakatuparan ng susunod na hakbang ng Aking gawain, at sa walang-hadlang na pag-usad ng gawain sa hinaharap. Kaya, hinihikayat kita na maging matalino at huwag mong ituring ang iyong buhay ni ang kabuluhan ng iyong pag-iral bilang walang-halagang buhangin. Maaari mo bang malaman nang eksakto kung ano ang magiging gawain Ko sa hinaharap? Alam mo ba kung paano Ako gagawa at kung paano isasakatuparan ang Aking gawain sa mga darating na araw? Dapat mong malaman ang kabuluhan ng pagdanas sa Aking gawain, at lalo na ang kabuluhan ng pananampalataya sa Akin. Nakagawa na Ako ng napakaraming gawain—paano Ako susuko sa kalagitnaan, gaya ng iniisip mo? Nagpasimula Ako ng napakalaking proyekto—paanong wawasakin Ko ito? Totoo na naparito Ako upang wakasan ang kapanahunang ito, ngunit mas mahalaga, dapat mong malaman na magsisimula Ako ng isang bagong kapanahunan, magsasakatuparan ng bagong gawain, at higit pa rito, magpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Kaya dapat mong malaman na ang kasalukuyang gawain ay para lamang magsimula ng isang kapanahunan at maglatag ng pundasyon para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa panahong darating at sa pagwawakas ng kapanahunan sa hinaharap. Ang Aking gawain ay hindi kasingsimple ng iniisip mo, ni hindi ito kasingwalang-halaga o kasingwalang-kabuluhan gaya ng maaari mong paniwalaan. Samakatwid, kailangan Ko pa ring sabihin sa iyo: Dapat mong ialay ang iyong sarili sa Aking gawain, at higit pa rito, dapat mong igugol ang iyong sarili alang-alang sa Aking kaluwalhatian. Ang lalo Ko pang matagal nang inaasam ay ang magpatotoo ka sa Akin; at higit pa rito, naghintay Ako nang napakatagal upang makita kang nagpapalaganap ng Aking ebanghelyo. Dapat mong maunawaan kung ano ang nasa Aking puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananalig?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 466

Bagama’t ang inyong pananalig ay lubhang taos-puso, walang sinuman sa inyo ang kayang lubusang ipaliwanag Ako, walang sinumang makakapagbigay ng patotoo sa lahat ng katunayang nakikita ninyo. Pag-isipan ninyo ito: Ngayon, karamihan sa inyo ay hindi nag-aasikaso ng mga wastong gampanin, sa halip ay hinahangad ninyo ang laman, binibigyang-kasiyahan ang laman, at nagpapakasasa sa laman. Kakaunti ang taglay ninyong katotohanan. Kung gayon, paano kayo magpapatotoo sa lahat ng nakita ninyo? Talaga bang may kumpiyansa kayo na kaya ninyong maging mga saksi Ko? Kung dumating ang isang araw na hindi mo mapatotohanan ang lahat ng nakita mo ngayon, kung gayon ay mawawalan ka na ng papel ng isang nilikha, at mawawalan na ng anumang kahulugan ang iyong pananatiling buhay. Hindi ka magiging karapat-dapat na maging tao. Masasabi pa na hindi ka tao! Napakarami na ng nagawa Kong di-masukat na gawain sa inyo, ngunit dahil sa kasalukuyan ay hindi mo kailanman sinusubukan na matutuhan ang anumang bagay at nananatili kang mangmang sa lahat ng bagay, at nagtatrabaho ka nang walang saysay, kapag panahon na para ipalaganap ang Aking gawain, tititig ka lamang sa kawalan, walang imik at lubos na walang-silbi. Kung gayon, hindi ba’t maaalala ka sa kasaysayan bilang isang makasalanan? Pagdating ng panahong iyon, hindi mo ba madarama ang pinakamatinding pagsisisi? Hindi ka ba manlulumo? Hindi Ko ginagawa ang lahat ng Aking gawain ngayon nang dahil sa kawalang-gawain at pagkainip, kundi upang maglatag ng isang pundasyon para sa Aking gawain sa hinaharap. Hindi naman sa wala na Akong patutunguhan at kailangan Kong makabuo ng isang bagay na bago. Dapat mong maunawaan ang gawaing ginagawa Ko; hindi ito isang bagay na ginagawa ng isang batang naglalaro sa kalye, kundi isang gawaing ginagawa bilang kinatawan ng Aking Ama. Dapat ninyong malaman na hindi Ako Mismo ang gumagawa ng lahat ng ito; sa halip, kinakatawan Ko ang Aking Ama. Samantala, ang papel lang ninyo ay ang sumunod, magpasakop, magbago, at magbigay ng patotoo. Ang dapat ninyong maunawaan ay kung bakit kayo dapat manampalataya sa Akin; ito ang pinakamahalagang tanong na dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo. Ang Aking Ama, alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian, ay paunang itinadhana kayong lahat para sa Akin mula sa sandaling nilikha Niya ang mundo. Para iyon sa kapakanan ng Aking gawain, at para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian, kaya Niya kayo paunang itinadhana. Dahil sa Aking Ama kaya kayo nananampalataya sa Akin; dahil sa paunang pagtatadhana ng Aking Ama kaya kayo sumusunod sa Akin. Wala sa mga ito ang nagmula sa sarili ninyong pagpapasya. Ang mas mahalaga pa ay dapat maunawaan ninyo na kayo ang siyang ipinagkaloob sa Akin ng Aking Ama para sa layon ng pagpapatotoo sa Akin. Dahil ipinagkaloob Niya kayo sa Akin, dapat kayong sumunod sa daan na ipinagkakaloob Ko sa inyo, gayundin sa daan at sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo, sapagkat tungkulin ninyong sumunod sa Aking daan, at ito ang orihinal na layunin ng inyong pananalig sa Akin. Samakatwid, sinasabi Ko sa inyo ito: Kayo ay mga tao lamang na ipinagkaloob ng Aking Ama sa Akin upang sumunod sa Aking daan. Gayumpaman, nananampalataya lamang kayo sa Akin, pero hindi kayo nabibilang sa Akin, sapagkat hindi kayo nanggaling sa pamilyang Israelita, at sa halip ay kauri kayo ng sinaunang ahas. Ang hinihiling Ko lamang na gawin ninyo ay magpatotoo para sa Akin, ngunit ngayon ay kailangan ninyong sumunod sa Aking daan. Lahat ng ito ay alang-alang sa patotoo sa hinaharap. Kung nakikinig lamang kayo sa Aking daan, walang saysay iyon, at ang kabuluhan ng pagkakaloob sa inyo ng Aking Ama sa Akin ay mawawala. Ang nais Ko pa ring sabihin sa inyo ay ito: Dapat kayong sumunod sa Aking daan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkakilala Mo sa Diyos?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 467

Paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng iglesia sa ngayon? Mayroon ka bang matatag na pagkaunawa sa tanong na ito? Ano ang pinakamalalaking paghihirap ng iyong mga kapatid? Ano ang pinakakulang sa kanila? Sa kasalukuyan, may ilang tao na negatibo sa gitna ng mga pagsubok, at ang ilan ay nagrereklamo pa. Ang ibang mga tao ay hindi na sumusulong pa sapagkat ang Diyos ay tapos nang magsalita. Ang mga tao ay hindi pa nakapasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Hindi nila kayang mamuhay nang nagsasarili, at hindi nila mapanatili ang kanilang sariling espirituwal na buhay. Ang ilang tao ay sumusunod at may motibasyon na maghangad, at handang magsagawa kapag nagsasalita ang Diyos, ngunit kapag hindi nagsasalita ang Diyos, hindi na sila sumusulong. Hindi pa rin naiintindihan ng mga tao ang mga layunin ng Diyos sa kanilang puso at wala silang kusang pagmamahal para sa Diyos; noong araw sumunod sila sa Diyos dahil napilitan sila. Ngayon mayroong ilang tao na sawa na sa gawain ng Diyos. Hindi ba nanganganib ang gayong mga tao? Maraming taong nabubuhay sa isang kalagayan ng paggawa nang pabasta-basta. Bagama’t kumakain at umiinom sila ng mga salita ng Diyos at nagdarasal sa Kanya, ginagawa nila iyon nang gamit lang ang kalahati ng kanilang puso, at wala na silang sigla na tulad ng dati. Karamihan sa mga tao ay hindi interesado sa gawain ng Diyos ng pagpipino at pagperpekto, at para bang palaging wala silang motibasyon sa loob nila. Kapag nadaraig sila ng mga pagsalangsang, hindi sila nakadarama ng pagkakautang sa Diyos, ni wala silang kamalayan na magsisi. Hindi nila hinahangad ang katotohanan o iniiwan ang iglesia, at sa halip ay naghahangad lamang sila ng mga panandaliang kasiyahan. Ang mga taong ito ang mga pinakabobong hangal! Pagdating ng panahon, aabandonahin silang lahat! Wala ni isa ang maliligtas! Palagay mo ba kung naligtas ang isang tao nang minsan ay palagi na siyang ligtas? Purong panlilinlang ang paniniwalang iyan! Lahat ng hindi naghahangad ng buhay pagpasok ay kakastiguhin. Karamihan sa mga tao ay lubos na walang interes sa buhay pagpasok, sa mga pangitain, o sa pagsasagawa ng katotohanan. Hindi sila naghahangad ng pagpasok, lalo na ng mas malalim na pag-usad. Hindi ba’t sinisira nila ang kanilang sarili? Sa ngayon, may isang bahagi ng mga tao na ang mga kalagayan ay laging pabuti nang pabuti. Habang lalong gumagawa ang Banal na Espiritu, lalo silang nagkakamit ng pananalig; habang lalong nadaragdagan ang kanilang karanasan, lalo nilang nadarama na napakamisteryoso ng gawain ng Diyos. Habang nakakapasok sila nang mas malalim, lalo silang nakakaunawa. Nadarama nila na napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at nakakaramdam sila ng kapanatagan at kalinawan sa kanilang kalooban. May pagkaunawa sila sa gawain ng Diyos. Sila ang mga taong ginagawaan ng Banal na Espiritu. Sinasabi ng ilang tao: “Bagama’t walang mga bagong salita mula sa Diyos, kailangan ko pa ring hangarin na sumulong nang mas malalim sa katotohanan, kailangan kong maging masigasig tungkol sa lahat ng bagay sa aking aktuwal na karanasan at pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos.” Ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng gawain ng Banal na Espiritu. Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha at ikinukubli ang Kanyang Sarili mula sa bawat tao, at bagama’t hindi Siya nagsasalita o bumibigkas ng Kanyang tinig at may mga pagkakataon na dumaranas ang mga tao ng kaunting pagpipino ng kalooban, pero hindi lubusang iniwan ng Diyos ang mga tao. Kung hindi mapanatili ng isang tao ang katotohanang dapat niyang isagawa, hindi niya tataglayin ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa panahon ng pagpipino, ng pagtatago ng Diyos sa Kanyang mukha, kung wala kang pananalig kundi sa halip ay umaatras ka, kung hindi ka nakatuon sa pagdanas ng Kanyang mga salita, tumatakas ka mula sa gawain ng Diyos. Kalaunan, isa ka sa mga aabandonahin. Iyong mga hindi naghahangad na makapasok sa salita ng Diyos ay hindi maaaring manindigan sa kanilang patotoo sa Kanya. Ang magawa ng mga tao na magpatotoo sa Diyos at tugunan ang Kanyang mga layunin ay ganap na pinamamahalaan ng kanilang motibasyon na hangarin ang mga salita ng Diyos. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos sa mga tao ay pangunahing upang tulutan silang makamit ang katotohanan; ang idulot na maghangad ka ng buhay ay pawang para sa kapakanan ng pagpeperpekto sa iyo, at ginagawa kang angkop para gamitin ng Diyos. Ang iyong hinahangad lamang ngayon ay ang makinig sa mga hiwaga, makinig sa mga salita ng Diyos, magpista ang iyong mga mata, at tumingin sa paligid para makita kung ano ang bago o kung ano ang nangyayari, at sa gayon ay matugunan ang iyong pag-uusisa. Kung ito ang intensiyon sa iyong puso, walang paraan para matugunan mo ang mga hinihiling ng Diyos. Iyong mga hindi naghahangad ng katotohanan ay hindi makakasunod hanggang sa kahuli-hulihan. Sa ngayon, hindi sa walang ginagawa ang Diyos, kundi sa halip ay hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Kanya. Ito ay dahil tutol sila sa Kanyang gawain, at nais lamang nilang marinig ang mga salita Niya ng mga pagpapala, samantalang ayaw nilang marinig ang mga salita Niya ng paghatol at pagkastigo. Bakit kaya? Ito ay dahil ang mga pagnanais ng mga tao na magtamo ng mga pagpapala ay hindi natutupad at sa gayon ay naging negatibo at mahina sila. Hindi sa sadyang hindi tinutulutan ng Diyos ang mga tao na sundan Siya, ni sadya Siyang nagpapadala ng mga dagok sa kanila. Ang mga tao ay negatibo at mahina dahil lamang sa ang kanilang mga intensiyon ay hindi wasto. Ang Diyos ay ang Diyos na nagbibigay ng buhay sa tao, at hindi Niya maaaring dalhin ang tao sa kamatayan. Ang pagkanegatibo, mga kahinaan, at pag-urong ng mga tao sa dati ay pawang sarili nilang kagagawan.

Ang kasalukuyang gawain ng Diyos ay naghahatid sa mga tao ng kaunting pagpipino, at iyon lamang mga kayang manindigan sa gitna ng pagpipino ang magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Paano man Niya itinatago ang Kanyang mukha, sa hindi man pagsasalita o hindi paggawa, kung kaya mo pa ring patuloy na maghangad, at kung kaya mo pa ring sumunod sa Kanya kahit na sabihin Niyang ayaw Niya sa iyo, kung gayon, ito ay paninindigan sa iyong patotoo sa Diyos. Kung itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at titigil ka sa pagsunod sa Kanya, ito ba ay paninindigan sa iyong patotoo sa Diyos? Kung ang mga tao ay walang tunay na pagpasok, wala silang aktuwal na tayog, at kapag nakasagupa talaga sila ng isang matinding pagsubok ay matutumba sila. Ngayong hindi nagsasalita ang Diyos, o hindi kumikilos ang Diyos nang naaayon sa iyong mga kuru-kuro, nasisiraan ka ng loob; kung kasalukuyang kumikilos ang Diyos ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro, at tumutugon sa iyong kalooban, magagawa mong tumindig at magkaroon ng motibasyon na maghangad. Ano nga ba mismo ang pundasyon ng iyong buhay? Sinasabi Ko na maraming taong nabubuhay sa paraang lubos na umaasa sa pag-uusisa ng tao. Talagang wala silang pagnanais na tunay na maghangad. Lahat ng mga hindi naghahangad na makapasok sa katotohanan kundi umaasa lang sa kanilang pag-uusisa sa buhay ay kasuklam-suklam na mga tao, at nanganganib sila! Ang iba’t ibang klase ng gawain ng Diyos ay isinasagawang lahat upang maperpekto ang sangkatauhan. Gayunman, palaging mausisa ang mga tao; palagi nilang gustong mag-usisa tungkol sa sabi-sabi; palagi nilang binibigyang-pansin ang mga kasalukuyang usapin sa ibang bansa—halimbawa, kung ano ang nangyayari sa Israel, o kung nagkaroon ba ng lindol sa Ehipto. Palagi silang naghahanap ng anumang mga bago at kakaibang bagay para mapalugod ang kanilang makasariling mga pagnanasa. Hindi nila hinahangad ang buhay, ni hindi nila hinahangad na maperpekto. Hinahangad lamang nilang dumating ang araw ng Diyos nang mas maaga upang magkatotoo ang kanilang magandang pangarap at matupad ang kanilang maluluhong pagnanasa. Ang ganitong klaseng tao ay hindi praktikal—sila ay mga taong hindi wasto ang pananaw. Ang paghahangad lamang sa katotohanan ang pundasyon ng pananampalataya ng sangkatauhan sa Diyos, at kung hindi hinahangad ng mga tao ang buhay pagpasok, kung hindi nila hinahangad na mapalugod ang Diyos, sasailalim sila sa kaparusahan. Iyong mga parurusahan ay ang mga hindi nagtaglay ng gawain ng Banal na Espiritu sa panahon ng gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 468

Paano dapat makipagtulungan ang mga tao sa Diyos sa yugtong ito ng Kanyang gawain? Kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao. Hindi Siya bumibigkas ni isang salita; itinatago Niya ang Kanyang mukha at hindi Siya direktang nakikipag-ugnayan sa mga tao. Sa panlabas, mukhang wala Siyang ginagawa, ngunit ang totoo ay gumagawa pa rin Siya sa loob ng tao. Ang sinumang naghahangad ng buhay pagpasok ay mayroong isang pangitain para sa kanyang paghahangad ng buhay, at wala siyang mga pag-aalinlangan kahit hindi niya lubos na nauunawaan ang gawain ng Diyos. Sa gitna ng mga pagsubok, kahit kapag hindi mo alam kung ano ang nais gawin ng Diyos at kung anong gawain ang nais Niyang isakatuparan, dapat mong malaman na ang mga kaisipan ng Diyos para sa sangkatauhan ay palaging mabuti. Kung hahangarin mo Siya nang may isang tapat na puso, hindi ka Niya iiwan kailanman, at sa huli ay tiyak na gagawin ka Niyang perpekto, at dadalhin Niya ang mga tao sa isang angkop na hantungan. Paano man kasalukuyang sinusubok ng Diyos ang mga tao, darating ang araw na maglalaan Siya sa mga tao ng isang angkop na kalalabasan at bibigyan sila ng angkop na ganti batay sa kanilang nagawa. Hindi aakayin ng Diyos ang mga tao sa isang partikular na punto at pagkatapos ay iwawaksi lang sila at babalewalain. Ito ay dahil ang Diyos ay tapat. Sa yugtong ito, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain ng pagpipino. Pinipino Niya ang bawat tao. Sa mga hakbang ng gawain na binubuo ng pagsubok ng kamatayan at ng pagsubok ng pagkastigo, ang pagpipino ay isinagawa sa pamamagitan ng mga salita. Para maranasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, kailangan muna nilang maunawaan ang Kanyang kasalukuyang gawain at kung paano dapat makipagtulungan ang mga tao. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng lahat. Anuman ang gawin ng Diyos, kung pinipino ba Niya ang mga tao o hindi Siya nagsasalita, wala ni isang hakbang ng gawain ng Diyos ang nakaayon sa mga kuru-kuro ng sangkatauhan. Bawat hakbang ng Kanyang gawain ay sumisira at lumalampas sa mga kuru-kuro ng mga tao. Ito ay Kanyang gawain. Ngunit kailangan mong maniwala na, ngayong nakaabot na ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na yugto, hindi Niya papatayin ang buong sangkatauhan anuman ang mangyari. Nagbibigay Siya kapwa ng mga pangako at mga pagpapala sa sangkatauhan, at lahat ng naghahangad sa Kanya ay makakamtan ang Kanyang mga pagpapala, ngunit iyong mga hindi ay ititiwalag ng Diyos. Nakasalalay ito sa iyong paghahangad. Ano’t anuman ang mangyari, kailangan mong maniwala na kapag nagwakas na ang gawain ng Diyos, bawat tao ay magkakaroon ng isang angkop na hantungan. Ang Diyos ay naglaan sa sangkatauhan ng magagandang adhikain, ngunit kung walang paghahangad ay hindi makakamit ang mga ito. Dapat mo nang magawang makita ito ngayon—ang pagpipino at pagkastigo ng Diyos sa mga tao ay Kanyang gawain, ngunit para sa mga tao, kailangan nilang hangaring baguhin ang kanilang disposisyon sa lahat ng oras. Sa iyong tunay na mga karanasan, kailangan mo munang malaman kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos; kailangan mong hanapin sa Kanyang mga salita kung ano ang dapat mong pasukin at ang sarili mong mga pagkukulang; dapat kang gumawa ng pagpasok habang nagsasaalang-alang sa iyong mga tunay na karanasan, at dapat mong kunin ang bahagi ng mga salita ng Diyos na dapat isagawa at subukang gawin iyon. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay isang aspekto. Bukod pa rito, ang buhay ng iglesia ay kailangan ding panatilihin, kailangan mong magkaroon ng isang normal na espirituwal na buhay, at kailangan mong magawang ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng iyong kasalukuyang kalagayan. Paano man magbago ang Kanyang gawain, dapat manatiling normal ang iyong espirituwal na buhay. Mapapanatili ng isang espirituwal na buhay ang iyong normal na pagpasok. Anuman ang gawin ng Diyos, dapat ay ipagpatuloy mo ang iyong espirituwal na buhay nang hindi tumitigil at tuparin mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ito ay gawaing lahat ng Banal na Espiritu, ngunit samantalang para sa mga may normal na kalagayan ito ay pagpeperpekto, para sa mga may abnormal na kalagayan ito ay isang pagsubok. Sa kasalukuyang yugto ng gawaing pagpipino ng Banal na Espiritu, sinasabi ng ilang tao na napakadakila ng gawain ng Diyos at na talagang kailangan ng mga tao ng pagpipino, kung hindi ay magiging napakababa ng kanilang tayog at wala silang magiging paraan para maabot ang mga layunin ng Diyos. Gayunman, para sa mga iyon na hindi maganda ang kalagayan, nagiging dahilan ito upang hindi hangarin ang Diyos, at dahilan upang huwag dumalo sa mga pagtitipon o kumain at uminom ng salita ng Diyos. Sa gawain ng Diyos, anuman ang gawin Niya o anumang mga pagbabago ang gawin Niya, sa pinakamababa, kailangang panatilihin ng mga tao ang isang normal na espirituwal na buhay. Marahil ay hindi ka naging pabaya sa kasalukuyang yugtong ito ng iyong espirituwal na buhay, ngunit wala ka pa ring gaanong natamo, at wala kang gaanong napala. Sa ganitong klaseng mga sitwasyon, kahit na panghawakan mo ang iyong espirituwal na buhay na para bang sumusunod ka sa isang regulasyon, kailangan mo pa rin itong panghawakan; kailangan mong sundin ang regulasyong ito upang hindi ka magdusa ng mga kawalan sa iyong buhay at upang matugunan mo ang mga layunin ng Diyos. Kung abnormal ang iyong espirituwal na buhay, hindi mo makikita nang malinaw ang kasalukuyang gawain ng Diyos, at sa halip ay palagi mong madarama na ito ay lubos na hindi kaayon ng iyong mga kuru-kuro, at bagama’t handa kang sumunod sa Kanya, wala kang panloob na motibasyon. Kaya, anuman ang kasalukuyang ginagawa ng Diyos, kailangang makipagtulungan ang mga tao. Kung hindi makikipagtulungan ang mga tao, hindi magagawa ng Banal na Espiritu ang Kanyang gawain, at kung wala sa puso ng mga tao ang makipagtulungan, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung nais mong taglayin ang gawain ng Banal na Espiritu sa iyong kalooban, at kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mong panatilihin ang iyong orihinal na katapatan sa harap ng Diyos. Ngayon, hindi mo kailangang magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa, mas mataas na teorya, o iba pang gayong mga bagay—ang kailangan lamang ay panghawakan mo ang salita ng Diyos sa orihinal na pundasyon. Kung hindi nakikipagtulungan ang mga tao sa Diyos at hindi naghahangad ng mas malalim na pagpasok, kukunin ng Diyos ang lahat ng bagay na dating kanila. Sa kanilang kalooban, palaging nag-iimbot ang mga tao ng kaginhawahan at mas gusto nilang tamasahin kung ano ang nariyan na. Nais nilang makamit ang mga pangako ng Diyos nang hindi nagbabayad ng anumang halaga. Ito ang maluluhong ideyang isinasaloob ng sangkatauhan. Ang pagkakamit ng buhay mismo nang hindi nagbabayad ng halaga—ngunit mayroon bang anumang bagay na naging ganito kadali? Kapag ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos at naghahangad ng buhay pagpasok at naghahangad ng pagbabago sa kanyang disposisyon, kailangan niyang magbayad ng halaga at matamo ang isang kalagayan kung saan palagi niyang susundin ang Diyos, anuman ang Kanyang gawin. Ito ay isang bagay na kailangang gawin ng mga tao. Kahit sundin mo ang lahat ng ito bilang isang regulasyon, kailangan mong laging panindigan ito, at gaano man katindi ang mga pagsubok, hindi mo maaaring bitiwan ang iyong normal na kaugnayan sa Diyos. Dapat mong magawang manalangin, mapanatili ang iyong buhay iglesia, at hindi iwanan kailanman ang iyong mga kapatid. Kapag sinubok ka ng Diyos, dapat mo pa ring hanapin ang katotohanan. Ito ang pinakamababang pamantayan para sa isang espirituwal na buhay. Ang palaging pagnanais na maghanap, at pagsisikap na makipagtulungan, paggamit ng lahat ng iyong lakas—magagawa ba ito? Kung gagawin itong pundasyon ng mga tao, madali nilang makakamit ang pagkilatis at pagpasok sa realidad. Madaling tanggapin ang salita ng Diyos kapag ang iyong sariling kalagayan ay normal; sa ganitong mga sitwasyon parang hindi mahirap isagawa ang katotohanan, at nadarama mo na dakila ang gawain ng Diyos. Ngunit kung hindi maganda ang iyong kalagayan, gaano man kadakila ang gawain ng Diyos at gaano man kagandang magsalita ang isang tao, hindi mo papansinin. Kapag ang kalagayan ng isang tao ay abnormal, hindi makakagawa sa kanya ang Diyos, at hindi siya magkakamit ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 469

Kung ang mga tao ay walang anumang pananalig, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, at bagama’t maaaring kilalanin ng mga tao na ang mga ito ay ang katotohanan, malamang pa ring lumitaw sa kanila ang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung nais ng mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ito, dapat silang magkaroon ng pananalig at pagpupursigi, at magawa nilang manindigan sa nakita na nila at sa nakamit na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging sinsero sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao iyong dapat nilang gawin. Kinakailangan sa pananampalataya sa Diyos ang pagpapasakop sa Kanya at pagdanas ng Kanyang gawain. Napakaraming nagawa ng Diyos—masasabi na para sa mga tao lahat ng ito ay pagpeperpekto, pagpipino, at higit pa rito, pagkastigo. Wala pa ni isang hakbang ng gawain ng Diyos na nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao; ang natamasa ng mga tao ay ang mahihigpit na salita ng Diyos. Kapag pumarito ang Diyos, kailangang matamasa ng mga tao ang Kanyang pagiging maharlika at Kanyang poot. Gayunman, gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, pumaparito Siya para iligtas at gawing perpekto ang tao. Bilang mga nilikha, dapat tuparin ng mga tao ang mga tungkuling dapat nilang tuparin, at manindigan sila sa kanilang patotoo sa Diyos sa gitna ng pagpipino. Sa bawat pagsubok dapat nilang panindigan ang pagpapatotoong dapat nilang gawin, at magbigay ng matunog na patotoo para sa Diyos. Ang isang taong gumagawa nito ay isang mananagumpay. Paano ka man pinuhin ng Diyos, dapat kang manatiling puno ng pananalig at hindi kailanman mawalan ng pananalig sa Kanya, at dapat mo ring gawin ang dapat gawin ng tao. Ito lahat ang hinihingi ng Diyos sa tao—hinihingi Niya na magawa ng puso ng tao na lubos na bumalik sa Kanya at bumaling sa Kanya sa bawat sandali. Ang gayong tao ay isang mananagumpay. Ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay” ay mga taong nagagawa pa ring manindigan sa kanilang patotoo, magpanatili ng kanilang pananalig at ng kanilang katapatan sa Diyos, at anuman ang mangyari, magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at magpanatili ng kanilang tunay na pagmamahal sa Diyos, habang nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at habang kinukubkob ni Satanas—ibig sabihin, habang nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Sa ganitong paraan, nakapanindigan sila sa kanilang patotoo sa harap ng Diyos. Ang gayong mga tao ang mga tinutukoy ng Diyos bilang “mga mananagumpay.” Kung napakaganda ng iyong paghahangad kapag pinagpapala ka ng Diyos, ngunit umuurong ka kapag wala ang Kanyang mga pagpapala, kadalisayan ba ito? Yamang nakatitiyak ka na ito ang tunay na daan, kailangan mo itong sundan hanggang sa dulo; kailangan mong panatilihin ang iyong katapatan sa Diyos. Yamang nakita mo na ang Diyos ay naparito sa lupa upang personal na gawin kang perpekto, dapat mong ibigay nang lubusan ang iyong puso sa Kanya. Kung, anuman ang gawin ng Diyos—marahil ay bibigyan ka ng isang hindi kanais-nais na kinalabasan sa pinakahuli—kaya mo pa ring sumunod sa Kanya, nangangahulugan ito na napanatili mo ang iyong kadalisayan sa harap ng Diyos. Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos, na nabanggit na, ay nangangahulugang pagpapanatili ng isang sinserong puso sa harap ng Diyos. Ang sinseridad ng tao ay kadalisayan, at ang mga kayang maging sinsero sa Diyos ay nakapagpanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahaginan, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagawa mo ang iyong tungkulin, hindi ka pabasta-basta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, naninindigan ka. Ito ay katapatan sa Diyos. Kung hindi mo panghahawakan ang dapat gawin ng mga tao, lahat ng dati mong pinagdusahan at mga determinasyon ay nawalan ng saysay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 470

Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, may isang landas na dapat makipagtulungan ang mga tao. Pinipino ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pananalig sa gitna ng mga pagpipino. Ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao upang magkaroon sila ng pananalig na magawang perpekto ng Diyos at maging handang tanggapin ang Kanyang mga pagpipino at mapungusan ng Diyos. Gumagawa ang Espiritu ng Diyos sa mga tao upang bigyan sila ng kaliwanagan at pagtanglaw, at upang makipagtulungan sila sa Kanya at magsagawa. Ang Diyos ay hindi nagsasalita o bumibigkas ng Kanyang tinig sa panahon ng pagpipino, ngunit mayroon pa ring gawaing dapat gawin ang mga tao. Dapat mong panindigan ang mayroon ka na, at dapat mo pa ring magawang manalangin sa Diyos, maging malapit sa Diyos, at manindigan sa iyong patotoo sa harap ng Diyos; sa ganitong paraan, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Nakita ninyong lahat nang malinaw mula sa gawain ng Diyos na kinakailangan sa Kanyang mga pagsubok sa pananalig at pagmamahal ng mga tao na lalo pa silang manalangin sa Diyos, at na mas madalas nilang lasapin ang mga salita ng Diyos sa Kanyang harapan. Kung binibigyang-liwanag ka ng Diyos at ipinauunawa sa iyo ang Kanyang mga layunin, subalit hindi ka naman nagsasagawa kahit kaunti, wala kang mapapala. Dapat nagagawa mo pa ring manalangin sa Diyos kapag isinasagawa mo ang Kanyang mga salita, dapat palagi kang naghahanap sa harap ng Diyos kapag nilalasap mo ang Kanyang mga salita, at dapat puno ka ng pananalig sa Kanya, hindi nasisiraan ng loob o nanlalamig. Iyong mga hindi nagsasagawa ng mga salita ng Diyos ay masiglang-masigla sa mga oras ng pagtitipon, ngunit nalulugmok sa kadiliman pagkauwi nila. Mayroong ilan na ni ayaw man lang makipagtipon. Kaya, kailangan mong makita nang malinaw kung anong tungkulin ang dapat gawin ng mga tao. Hindi mo alam kung ano talaga ang mga layunin ng Diyos, ngunit dapat mong tuparin nang maayos ang iyong tungkulin, dapat kang manalangin kung kailan nararapat, at dapat mong isagawa ang katotohanan kung kailan nararapat. Kung gagawin mo ang lahat ng nararapat gawin ng mga tao, at itataguyod ang iyong orihinal na pangitain, kung gayon, mas magagawa mong tanggapin ang susunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Kapag tago ang paraan ng paggawa ng Diyos, problema iyan kung hindi ka maghahangad. Kapag Siya ay nagsasalita at nangangaral sa oras ng mga pagpupulong, masigasig kang nakikinig, ngunit kapag hindi Siya nagsasalita, wala kang sigla at umuurong ka. Anong klaseng tao ang kumikilos nang ganito? Ito ay isang taong sumusunod lamang sa karamihan. Wala siyang paninindigan, walang patotoo, at walang pangitain! Ganito ang karamihan sa mga tao. Kung magpapatuloy ka sa gayong paraan, balang araw kapag nagkaroon ka ng matinding pagsubok, babagsak ka sa kaparusahan. Ang pagkakaroon ng paninindigan ay pinakamahalaga sa proseso ng pagperpekto ng Diyos sa mga tao. Kung wala kang duda sa anumang hakbang ng gawain ng Diyos, kung tinutupad mo nang maayos ang tungkulin ng tao, kung taos-puso mong itinataguyod ang ipinapasagawa sa iyo ng Diyos—ibig sabihin, kung natatandaan mo ang mga panghihikayat ng Diyos, at anuman ang Kanyang gawin sa kasalukuyan, hindi mo kinalilimutan ang Kanyang mga panghihikayat, wala kang duda tungkol sa Kanyang gawain, nananatili kang naninindigan, pinaninindigan mo ang iyong patotoo, at tagumpay ka sa bawat hakbang ng proseso—kung gayon, sa huli ay gagawin kang perpekto ng Diyos at gagawin kang isang mananagumpay. Kung nagagawa mong manindigan sa bawat hakbang ng mga pagsubok ng Diyos, at kung kaya mo pa ring manindigan hanggang sa pinakahuli, ikaw ay isang mananagumpay, at isa kang taong nagawa nang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo kayang manindigan sa kasalukuyan mong mga pagsubok, mas mahihirapan ka sa hinaharap. Kung sasailalim ka lamang sa kakaunting pagdurusa at hindi mo hahangarin ang katotohanan, wala kang mapapala sa huli. Maiiwan kang walang-wala. May ilang tao na isinusuko ang kanilang paghahangad kapag nakikita nila na hindi nagsasalita ang Diyos, at nawawalan ng pagtuon ang kanilang puso. Hindi ba hangal ang gayong tao? Ang ganitong klaseng mga tao ay walang realidad. Kapag nagsasalita ang Diyos, palagi siyang pumaparito’t pumaparoon, mukhang abala at masigla sa panlabas, ngunit ngayong hindi nagsasalita ang Diyos, tumitigil siyang maghangad. Ang ganitong klaseng tao ay walang kinabukasan. Sa mga oras ng pagpipino, kailangang pumasok ka mula sa isang positibong pananaw at matuto ng mga aral na dapat mong matutunan; kapag nagdarasal ka sa Diyos at nagbabasa ng Kanyang salita, dapat mong ihambing ang sarili mong kalagayan dito, tuklasin ang iyong mga pagkukulang, at makita na marami ka pang aral na dapat matutunan. Habang lalong nagiging sinsero ang iyong paghahangad habang sumasailalim ka sa pagpipino, lalo mong masusumpungan na may pagkukulang ka. Ito ay dahil nakakatagpo ka ng maraming isyung hindi mo nakikita nang malinaw habang pinipino ka, at maaari kang magreklamo, at magbunyag ng sarili mong laman. Saka mo lamang matutuklasan na napakarami mong tiwaling disposisyon sa loob mo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 471

Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay nangangailangan ng napakalaking pananalig, pananalig na mas malaki pa kaysa sa pananalig ni Job. Kung walang pananalig, hindi magagawang magpatuloy ng mga tao na magkaroon ng karanasan, kaya hindi sila magagawang perpekto ng Diyos. Pagdating ng panahon ng matitinding pagsubok, magkakaroon ng mga tao na aalis ng mga iglesia—ang ilan ay dito, ang ilan ay doon. Magkakaroon ng ilan na medyo maganda naman ang nagawa sa kanilang paghahangad sa nakaraang mga araw at hindi magiging malinaw kung bakit hindi na sila nananampalataya. Maraming bagay ang mangyayari na hindi mo mauunawaan, at hindi magpapakita ang Diyos ng anumang mga tanda o kababalaghan, ni gagawa ng anumang sobrenatural. Ito ay upang makita kung kaya mong manindigan—ang Diyos ay gumagamit ng mga katunayan upang pinuhin ang mga tao. Hindi ka pa gaanong nagdusa. Sa hinaharap kapag dumating ang matitinding pagsubok, sa ilang lugar ay aalis ang bawat tao sa iglesia, at iyong mga nakapalagayan mo na ng loob ay aalis at tatalikuran ang kanilang pananalig. Magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Hanggang ngayon, ang mga pagsubok na iyong nakaharap ay maliliit lamang, at marahil ay kinaya mo lang tiisin ang mga iyon. Kabilang sa hakbang na ito ang mga pagpipino at pagpeperpekto sa pamamagitan lamang ng mga salita. Sa susunod na hakbang, ang mga katunayan ay darating sa iyo upang pinuhin ka, at pagkatapos ay mapapasagitna ka sa panganib. Kapag talagang naging seryoso na iyon, papayuhan ka ng Diyos na magmadali at umalis, at tatangkain ng mga relihiyosong tao na akitin kang sumama sa kanila. Ito ay upang makita kung kaya mong magpatuloy sa landas, at lahat ng bagay na ito ay mga pagsubok. Ang kasalukuyang mga pagsubok ay maliliit, ngunit darating ang araw na magkakaroon ng mga tahanan kung saan ang mga magulang ay hindi na nananampalataya, at magkakaroon ng ilan kung saan ang mga anak ay hindi na nananampalataya. Magagawa mo pa bang magpatuloy? Habang lalo kang sumusulong, lalong titindi ang iyong mga pagsubok. Isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagpipino sa mga tao ayon sa kanilang mga pangangailangan at sa kanilang tayog. Sa yugto ng pagpeperpekto ng Diyos sa mga tao, imposibleng patuloy na lumaki ang bilang ng mga tao—liliit lamang ito. Sa pamamagitan lamang ng mga pagpipinong ito magagawang perpekto ang mga tao. Ang pagpupungos, pagdidisiplina, pagsubok, pagkastigo, pagsumpa—kaya mo bang tiisin ang lahat ng ito? Kapag nakakakita ka ng isang iglesia na partikular na maganda ang kondisyon, kung saan lahat ng kapatid ay naghahangad nang may matinding sigla, ikaw mismo ay nahihikayat. Kapag dumating ang araw na nakaalis na silang lahat, ang ilan sa kanila ay hindi na nananampalataya, ang ilan ay umalis na upang magnegosyo o mag-asawa, at ang ilan ay umanib na sa relihiyon; magagawa mo bang manindigan sa panahong iyon? Magagawa mo bang panatilihing hindi nagugulo ang iyong kalooban? Ang pagpeperpekto ng Diyos sa tao ay hindi gayon kasimpleng bagay! Siya ay gumagamit ng maraming bagay upang pinuhin ang mga tao. Ang tingin ng mga tao rito ay mga pamamaraan, ngunit sa orihinal na layunin ng Diyos ay ni hindi man lang mga pamamaraan ang mga ito, kundi mga katunayan. Sa huli, kapag napino na Niya ang mga tao hanggang sa isang antas at wala na silang anumang mga reklamo, ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay makokompleto. Ang dakilang gawain ng Banal na Espiritu ay ang gawin kang perpekto, at kapag hindi Siya gumagawa at ikinukubli ang Kanyang Sarili, iyon ay higit na para sa layon ng pagpeperpekto sa iyo at ng mas magawang makita kung may pagmamahal ba ang mga tao sa Diyos, kung may tunay na pananalig ba sila sa Kanya. Kapag ang Diyos ay nagsasalita nang malinaw, hindi mo kailangang maghanap; kapag nakakubli Siya, saka mo lamang kailangang maghanap at mangapa. Dapat mong magawang tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at anuman ang kinalabasan mo sa hinaharap at ang iyong hantungan, dapat mong magawang maghangad ng pagkakilala at pagmamahal sa Diyos sa mga taon ng iyong buhay, at paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat mong magawang iwasan na magreklamo. May isang kondisyon para gumawa ang Banal na Espiritu sa loob ng mga tao. Kailangan nilang mauhaw at maghangad at hindi magdalawang-isip o magduda tungkol sa mga kilos ng Diyos, at kailangan nilang magawang panindigan ang kanilang tungkulin sa lahat ng oras; sa ganitong paraan lamang nila makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat hakbang ng gawain ng Diyos, ang hinihingi sa mga tao ay napakalaking pananalig at pagharap sa Diyos upang maghanap—sa pamamagitan lamang ng karanasan matutuklasan ng mga tao kung gaano kaibig-ibig ang Diyos at kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao. Kung hindi ka daranas, kung hindi ka mangangapa, kung hindi ka maghahanap, wala kang makakamit. Kailangan mong mangapa sa loob ng iyong mga karanasan, at sa pamamagitan lamang ng iyong mga karanasan mo makikita ang mga kilos ng Diyos at makikilala ang Kanyang pagiging kamangha-mangha at di-maarok.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 472

Ipinaparanas sa iyo ng Diyos ang lahat ng uri ng kasawian, paghihirap, at kapighatian, pati na ang maraming kabiguan at dagok. Sa huli, ipinapatanto sa iyo ng Diyos—habang dinaranas mo ang mga bagay na ito—na ang lahat ng Kanyang sinabi ay tama at ang katotohanan. Kasabay nito, pinapatanto Niya sa iyo na kung ano ang iniisip at imahinasyon mo, pati na rin ang iyong mga kuru-kuro, kaalaman, mga teoryang pilosopikal, mga pilosopiya, ang mga bagay na natutunan mo sa mundo, at ang mga bagay na itinuro sa iyo ng iyong mga magulang ay pawang mali, at na hindi ka magagabayan ng mga bagay na ito sa tamang landas sa buhay, at hindi ka maaakay ng mga ito para maunawaan ang katotohanan at makalapit sa harapan ng Diyos. Kung namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na ito, kung gayon ay tinatahak mo ang landas ng kabiguan, pati na ang landas ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos. Sa huli, ipapakita ito sa iyo ng Diyos nang malinaw. Ang prosesong ito ay isang bagay na dapat mong maranasan, at sa ganitong paraan lamang makakamit ang mga resulta, pero masakit din ito para sa Diyos na makita. Mapaghimagsik at may mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya dapat silang sumailalim sa ilang pagdurusa at dumanas ng mga dagok na ito. Kung wala ang pagdurusang ito, hindi sila magkakaroon ng paraan na madalisay. Kung ang isang tao ay tunay na may pusong nagmamahal sa katotohanan, at tunay na nakahandang tanggapin ang iba’t ibang pamamaraan ng pagliligtas ng Diyos, at magbayad ng halaga, hindi na niya kailangang magdusa nang husto mula sa mga pagsubok at pagpipino. Sa totoo lang, ayaw ng Diyos na pagdusahin nang husto ang mga tao, at hindi Niya gustong iparanas sa kanila ang napakaraming dagok at kabiguan. Gayumpaman, masyadong mapaghimagsik ang mga tao; ayaw nilang gawin ang iniuutos sa kanila, ayaw magpasakop, at hindi nila magawang tahakin ang tamang landas o tumahak sa mas maikling daan; lumilihis lang sila sa pagsunod sa sarili nilang daan, at naghihimagsik laban sa Diyos at nilalabanan Siya. Ang mga tao ay tiwali. Ang magagawa lamang ng Diyos ay ang ipasa sila kay Satanas at ilagay sila sa iba’t ibang sitwasyon para palagi silang papandayin, sa gayon ay tinutulutan silang magkamit ng lahat ng uri ng karanasan at matuto ng lahat ng uri ng aral, at maunawaan ang diwa ng lahat ng uri ng buktot na bagay. Pagkatapos niyon, kapag nagbalik-tanaw ang mga tao, mapagtatanto nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, aaminin na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at aaminin na tanging ang Diyos ang realidad ng lahat ng positibong bagay, at ang Nag-iisang tunay na nagmamahal, nagmamalasakit, at makapagliligtas sa mga tao. Ayaw ng Diyos na magdusa nang husto ang mga tao, pero masyadong mapaghimagsik ang mga tao, handa silang tahakin ang mga paliko-likong landas, at handa silang pagdaanan ang pagdurusang ito. Walang magawa ang Diyos kundi ilagay ang mga tao sa iba’t ibang sitwasyon para patuloy silang pandayin. Hanggang saan pinapanday ang mga tao sa huli? Hanggang sa sasabihin mong, “Naranasan ko na ang bawat uri ng sitwasyon, at nauunawaan ko na sa wakas na maliban sa Diyos, wala nang tao, pangyayari o bagay ang makapagpapaunawa sa akin sa katotohanan, na makapagpapatamasa sa akin ng katotohanan, o makapagbibigay-daan sa akin na pumasok sa mga katotohanang realidad. Kung masunurin akong magsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, masunuring mananatili sa lugar ng tao, itataguyod ang aking katayuan at tungkulin bilang nilikha, masunuring tatanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, hindi na magkakaroon ng karagdagang reklamo o magnanais ng mga labis-labis na bagay mula sa Diyos, at tunay na makapagpapasakop sa harap ng Lumikha, saka lamang ako magiging isang tao na tunay na nagpapasakop sa Diyos.” Kapag umabot na ang mga tao sa antas na ito, tunay silang yuyukod sa harap ng Diyos, at hindi na kakailanganin ng Diyos na maghanda ng iba pang mga sitwasyon na ipaparanas sa kanila. Kaya, aling landas ang nais ninyong tahakin? Sa kanilang mga subhetibong pagnanais, walang may gustong magdusa, walang may gustong dumanas ng mga dagok, kabiguan, suliranin, pagkadismaya, o paghihirap, ngunit wala nang ibang paraan. Ang mga tao ay mayroong satanikong kalikasan; masyado silang mapaghimagsik, napakamasalimuot ng kanilang mga kaisipan at pananaw. Araw-araw, may walang tigil na kontradiksiyon sa puso mo, alitan, at pagkaligalig. Kaunting katotohanan lamang ang nauunawaan mo, mababaw ang iyong buhay pagpasok, at wala kang lakas na madaig ang mga kuru-kuro, imahinasyon, at tiwaling disposisyon ng laman. Ang magagawa mo lang ay sundin ang karaniwang pamamaraan ng tao: palaging dumaranas ng kabiguan at pagkadismaya, at palaging nasasadlak, sinasalanta ng paghihirap, at gumulong-gulong sa putik, hanggang sa sumapit ang isang araw na sasabihin mong, “Pagod na ako. Sawa na ako. Ayaw ko nang mamuhay nang ganito. Ayaw kong maranasan ang mga kabiguang ito. Handa akong humarap sa Lumikha nang may pagsunod; makikinig ako sa sinasabi ng Diyos, at gagawin ko ang sinasabi Niya. Ito lamang ang tamang landas sa buhay.” Sa araw na ganap kang kumbinsido at tinatanggap mo ang pagkatalo, saka ka lamang makakaharap sa Diyos. May naunawaan ka ba tungkol sa disposisyon ng Diyos mula rito? Ano ang saloobin ng Diyos sa mga tao? Anuman ang gawin ng Diyos, ninanais Niya ang pinakamainam para sa tao. Anuman ang sitwasyong inihahanda Niya o ang hinihingi Niya na gawin mo, palagi Niyang hinihiling na makita ang pinakamagandang kalalabasan. Sabihin nang may pinagdadaanan kang isang bagay at nahaharap ka sa mga dagok at kabiguan. Hindi nais ng Diyos na makita kang pinanghihinaan ng loob kapag nabigo ka, isipin na katapusan mo na at na naagaw ka na ni Satanas, at pagkatapos ay susukuan mo na ang iyong sarili, hindi na muling makakabangon, at masasadlak ka sa kawalan ng pag-asa—hindi nais ng Diyos na makita ang kalalabasang ito. Ano ang nais makita ng Diyos? Na bagama’t nabigo ka sa bagay na ito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan at pagnilay-nilayan ang iyong sarili, mahanap ang dahilan ng iyong pagkabigo, tanggapin ang aral na itinuro ng kabiguang ito sa iyo, tandaan ito sa hinaharap, malaman na maling kumilos nang ganito at na sa pagsasagawa lamang ayon sa mga salita ng Diyos ang tama, at napagtatanto mo na, “Masamang tao ako. Mayroon akong isang tiwaling satanikong disposisyon. May paghihimagsik sa loob ko. Malayo ako sa matutuwid na tao na binabanggit ng Diyos, at wala akong may-takot-sa-Diyos na puso.” Nakita mo na ang katunayang ito nang malinaw; nakilala mo ang katotohanan ukol sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng dagok na ito, ng kabiguang ito, nagkamit ka ng kaunting katinuan at nasa hustong pag-iisip ka na. Ito ang gusto ng Diyos na makita. Ano ba ang ibig sabihin ng pagiging nasa hustong pag-iisip? Ibig sabihin nito ay maaari kang makamit ng Diyos, na maaari kang maligtas, na maaari kang pumasok sa mga katotohanang realidad, at na tinahak mo ang landas ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Umaasa ang Diyos na makita ang mga tao na tumahak sa tamang landas. Ginagawa ng Diyos ang mga bagay-bagay nang may masisidhing layunin, at ang lahat ng ito ay ang nakatago Niyang pagmamahal, pero madalas na hindi ito nararamdaman ng mga tao. Ang mga tao ay makikitid ang utak at lubhang mababaw ang pag-iisip. Sa sandaling hindi nila matamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, nagrereklamo sila tungkol sa Diyos, nagiging negatibo sila, at umaakto sila nang nagmamaktol, pero hindi ito ginagamit ng Diyos laban sa kanila. Tinatrato lang Niya sila na parang mga mangmang na bata at hindi Niya sila hinahanapan ng butas. Naghahanda Siya ng mga sitwasyon para sa mga tao para ipaalam sa kanila kung paano natatamo ang biyaya at mga pagpapala, ipinauunawa sa kanila kung ano ang ibig sabihin ng biyaya sa tao, at kung ano ang matututunan ng mga tao mula rito. Sabihin na nating gusto mong kumain ng isang bagay na sinasabi ng Diyos na masama para sa iyong kalusugan kapag nasobrahan ka ng kain. Hindi ka nakinig, at nagpumilit kang kainin ito, at tinulutan ka ng Diyos na malayang pagpasyahan iyon. Bunga nito, nagkasakit ka. Pagkatapos maranasan ito nang ilang beses, napagtanto mo na talagang tama ang mga salitang binibigkas ng Diyos, na totoo ang mga sinasabi Niya, na dapat kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita, at na ito ang tamang landas. Kung gayon, ano ang ibubunga ng mga dagok, kabiguan at pagdurusang nararanasan mo? Isa na rito ay na, magagawa mong mapahalagahan ang masisidhing layunin ng Diyos. Ang isa pa ay na, napapaniwala ka nito at nakakasigurado ka na tama nga ang mga salita ng Diyos at na praktikal ang lahat ng ito, at lumalago ang pananalig mo sa Diyos. Dagdag pa roon, sa pagdanas mo sa yugtong ito ng kabiguan, nakikilala mo ang pagkatotoo at katumpakan ng mga salita ng Diyos, nakikita mo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at nauunawaan mo ang prinsipyo ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya naman, mabuti para sa mga tao ang makaranas ng pagkabigo, pero kasabay nito, nagdurusa rin sila dahil dito—isa itong uri ng pagpanday. Pero kung ang pagkakapanday ay makapagpapabalik-loob sa iyo sa Diyos sa huli, magiging dahilan para maunawaan mo ang Kanyang mga salita at tanggapin ang mga ito sa iyong puso bilang katotohanan, at ginagawang makilala mo ang Diyos, kung gayon, ang pagkakapanday, ang mga dagok at kabiguang naranasan mo ay hindi mauuwi sa wala. Ito ang resultang nais ng Diyos na makita.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Makilatis ang Kalikasang Diwa ni Pablo

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 473

Kailangan mong tandaan na ang mga salitang ito ay sinalita na ngayon: Kalaunan, daranas ka ng mas matinding kapighatian at mas matinding pagdurusa! Ang magawang perpekto ay hindi isang simple o madaling bagay. Kahit paano ay kailangan mong taglayin ang pananalig ni Job, o mas malaki pang pananalig kaysa sa kanya. Dapat mong malaman na ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging mas malaki kaysa sa mga pagsubok kay Job, at na kailangan mong sumailalim sa pangmatagalang pagkastigo. Simpleng bagay ba ito? Kung hindi huhusay ang iyong kakayahan, kung kulang ang iyong abilidad na umarok, at kung masyadong kakaunti ang iyong nalalaman, sa panahong iyon ay hindi ka magkakaroon ng anumang patotoo, kundi ikaw ay magiging katatawanan, isang laruan para kay Satanas. Kung hindi mo mapanghawakan ang mga pangitain ngayon, wala kang pundasyon kahit kaunti, at ikaw ay ituturing na walang silbi sa hinaharap! Walang bahagi ng daan ang madaling tahakin, kaya huwag mo itong balewalain. Timbangin mong mabuti at gumawa ka ng mga paghahanda kung paano tatahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas na ito. Ito ang landas na kailangang tahakin sa hinaharap, ang landas na kailangang tahakin ng lahat ng tao. Huwag mong balewalain ang kaalamang ito; huwag mong isipin na ang sinasabi Ko sa iyo ay pag-aaksaya lang ng laway. Darating ang araw na magagamit mo ang lahat ng ito—hindi maaaring sambitin ang Aking mga salita nang walang kabuluhan. Ito ang panahon para sangkapan ang iyong sarili, ang panahon upang ihanda ang daan para sa hinaharap. Dapat mong ihanda ang landas na tatahakin mo sa hinaharap; dapat kang mag-alala at mabalisa tungkol sa kung paano mo magagawang manindigan sa hinaharap, at maghandang mabuti para sa iyong landas sa hinaharap. Huwag maging matakaw at tamad! Kailangan mong gawin talaga ang lahat ng makakaya mo para magamit nang pinakamainam ang iyong oras, upang makamit mo ang lahat ng iyong kailangan. Ibinibigay Ko sa iyo ang lahat upang ikaw ay makaunawa. Nakita na ng sarili ninyong mga mata na wala pang tatlong taon, napakarami Ko nang nasabi at napakarami Ko nang nagawa. Ang isang dahilan kaya Ako gumagawa sa ganitong paraan ay dahil napakalaki ng pagkukulang ng mga tao, at ang isa pa ay dahil sa napakaikli ng panahon; hindi na maaaring magkaroon pa ng anumang mga karagdagang pagkaantala. Iniisip mo na kailangan munang makamit ng mga tao ang perpektong kalinawan ng kalooban bago sila makapagpatotoo at magamit—ngunit hindi kaya napakabagal niyon? Kaya, gaano katagal ba kita kailangang samahan? Kung magpapasama ka sa Akin hanggang sa tumanda ka na at pumuti ang buhok mo, imposible iyan! Sa pagdanas ng mas matinding kapighatian, makakamtan ang tunay na pagkaunawa sa loob ng lahat ng tao. Ito ang mga hakbang ng gawain. Sa sandaling lubusan mo nang maunawaan ang mga pangitaing ibinahagi ngayon at magtamo ka ng tunay na tayog, anumang pagdurusa ang danasin mo sa hinaharap ay hindi ka madadaig, at magagawa mong manindigan. Kapag natapos Ko na ang huling hakbang na ito ng gawain at natapos Kong bigkasin ang huling mga salita, sa hinaharap ay kakailanganing tahakin ng mga tao ang sarili nilang landas. Tutuparin nito ang mga salitang sinabi noon: Ang Banal na Espiritu ay may atas para sa bawat isang tao, at gawaing gagawin sa bawat isang tao. Sa hinaharap, tatahakin ng lahat ang landas na dapat nilang tahakin, na inaakay ng Banal na Espiritu. Sino ang makakapangalaga sa iba habang dumaranas ng kapighatian? Bawat indibidwal ay may sariling pagdurusa, at bawat isa ay may sariling tayog. Walang tayog ninuman ang kapareho ng iba. Hindi magagawang alagaan ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae, o ng mga magulang ang kanilang mga anak; walang sinumang magagawang mag-alaga sa iba. Hindi iyon magiging kagaya ngayon, na posible pa ring mag-alagaan at magsuportahan. Iyon ang magiging panahon na ang bawat uri ng tao ay ibubunyag. Ibig sabihin, kapag hinampas ng Diyos ang mga pastol, magsisikalat ang mga tupa ng kawan, at sa panahong iyon ay hindi kayo magkakaroon ng tunay na lider. Magkakawatak-watak ang mga tao—hindi iyon magiging kagaya ngayon, na maaari kayong magdaos ng mga pagtitipon nang sama-sama. Sa hinaharap, ipapakita ng mga walang gawain ng Banal na Espiritu ang tunay na kulay nila. Ipagkakanulo ng mga asawang lalaki ang kanilang asawang babae, ipagkakanulo ng mga asawang babae ang kanilang asawang lalaki, ipagkakanulo ng mga anak ang kanilang mga magulang, at uusigin ng mga magulang ang kanilang mga anak—ang puso ng tao ay hindi maaarok! Ang tanging magagawa ay kumapit ang isang tao sa kung ano ang mayroon siya, at tahakin nang wasto ang huling bahagi ng landas. Sa ngayon, hindi ninyo ito malinaw na nakikita; nakikita lang ninyong lahat kung ano ang nasa malapit. Hindi madaling maranasan nang matagumpay ang hakbang na ito ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mo Dapat Tahakin ang Huling Bahagi ng Landas

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 474

Karamihan sa mga tao ay nananampalataya sa Diyos alang-alang sa kanilang hantungan sa hinaharap, o para sa pansamantalang kaluguran. Para sa mga hindi pa napasailalim sa kahit anong pagpupungos, nananampalataya sila sa Diyos upang makapasok sa langit, upang magkamit ng mga gantimpala. Hindi sila nananampalataya sa Diyos upang magawang perpekto, o para tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Na ibig sabihin, karamihan sa mga tao ay hindi nananampalataya sa Diyos upang tuparin ang kanilang mga responsibilidad, o tapusin ang kanilang tungkulin. Bihirang manampalataya ang mga tao sa Diyos upang magsabuhay ng mga makabuluhang buhay, ni walang mga naniniwala na, dahil buhay ang tao, dapat niyang mahalin ang Diyos dahil ganap na likas at may katwiran na gawin ito, at ito ang likas na misyon ng tao. Kaya, bagama’t pinagsisikapan ng bawat isa sa iba’t ibang mga tao ang sarili nilang mga mithiin, ang layunin ng kanilang pagsisikap at ang motibo sa likod nito ay magkakaparehong lahat, at, bukod pa riyan, para sa karamihan sa kanila ang mga pakay ng kanilang pagsamba ay malaki ang pagkakapareho. Sa nakaraang ilang libong taon, maraming mananampalataya ang nangamatay na, at marami nang namatay at muling isinilang. Hindi lamang isa o dalawang tao ang naghahangad sa Diyos, ni hindi isa o dalawang libo, subalit karamihan sa mga taong ito ay nagsisikap para sa kapakanan ng sarili nilang kinabukasan o kanilang magagandang pag-asa para sa hinaharap. Iyong mga deboto kay Cristo ay iilan lamang at napakabihira. Namatay pa rin ang maraming debotong mananampalataya na nabitag sa sarili nilang mga patibong, at ang bilang ng mga taong naging matagumpay, bukod pa riyan, ay lubhang kakaunti. Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung bakit sila nabibigo, o ang mga lihim ng kanilang tagumpay. Iyong mga nahuhumaling sa paghahangad kay Cristo ay hindi pa rin namumulat, at hindi pa nila narating ang kailaliman ng mga hiwagang ito, dahil hindi talaga nila alam. Bagama’t pinagsisikapan nila ang kanilang hinahangad na matamo, ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas ng kabiguan na minsang tinahak ng mga nauna sa kanila, at hindi ang landas ng tagumpay na tinahak ng mga nauna. Sa ganitong paraan, paano man sila naghahangad, hindi ba nila tinatahak ang landas patungong kadiliman? Hindi ba mapait na bunga ang kanilang natatamo? Mahirap mahulaan kung ang mga taong tumutulad sa mga nagtagumpay sa nakalipas na mga panahon ay makatatanggap ng mga pagpapala o kasawian sa huli. Gaano pa kaya kasahol ang mga posibilidad, kung gayon, para sa mga taong naghahangad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga yapak ng mga nabigo? Hindi ba mas malaki ang posibilidad na sila ay mabigo? Ano ang halaga ng landas na kanilang tinatahak? Hindi ba’t nag-aaksaya sila ng kanilang pagsisikap? Tagumpay man o bigo ang mga tao sa kanilang pinagsisikapan, may isang dahilan, sa madaling salita, kaya nila nagkakaganoon, at hindi totoo na ang kanilang nakamit o kawalan ay napagpapasyahan ng paghahangad kung paano nila gusto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 475

Ang pinakapundamental na kailangan sa pananampalataya ng tao sa Diyos ay na mayroon siyang matapat na puso, at na kaya niyang lubos na ilaan ang kanyang sarili, at kaya niyang tunay na magpasakop. Ang pinakamahirap para sa tao ay ibigay ang kanyang buong buhay kapalit ng tunay na pananampalataya, at sa pamamagitan nito ay matamo niya ang buong katotohanan, at magampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang hindi kayang matamo ng mga nabibigo, at lalo pang hindi ito natatamo ng mga hindi makasumpong kay Cristo. Dahil mismo ang tao ay hindi magaling sa buong paglalaan ng kanyang sarili sa Diyos, dahil ang tao ay hindi handang gampanan ang kanyang tungkulin para sa Lumikha, dahil nakita na ng tao ang katotohanan ngunit iniiwasan ito at tumatahak sa kanyang sariling landas, dahil laging naghahangad ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa landas ng mga nabigo na, dahil laging naghihimagsik ang tao sa Langit, na laging nabibigo ang tao, laging nabibitag sa panlalansi ni Satanas, at sa sarili niyang patibong. Dahil hindi kilala ng tao si Cristo, dahil hindi sanay ang tao sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan, dahil masyadong sinasamba ng tao si Pablo at may masyadong matinding pagnanais na pumunta sa langit, dahil laging iginigiit ng tao na sundin siya ni Cristo at inuutus-utusan niya ang Diyos, lahat ng matatayog na dakilang tao at iyong mga nakaranas na ng mga pagbabagong nangyayari sa mundo ay hindi pa rin makatakas sa kamatayan, at namamatay sa gitna ng pagkastigo ng Diyos. Ang masasabi Ko lamang tungkol sa gayong mga tao ay na namamatay sila sa hindi natural na paraan. Ang mga kinahihinatnan nila—ang kanilang kamatayan—ay hindi walang katwiran, at bukod pa roon, hindi ba’t ang kanilang kabiguan ay lalo pang hindi mapapalampas sa batas ng Langit? Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, subalit ang katotohanang nasa tao ay ipinapasa ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao. Subalit itinutustos lang ni Cristo ang katotohanan; hindi Siya pumarito upang magpasya kung ang tao ay magiging matagumpay sa kanyang paghahangad na matamo ang katotohanan. Samakatwid, ang tao man ay matagumpay o hindi sa usapin ng katotohanan ay ganap na nakasalalay sa kanyang sariling paghahangad. Isa itong usapin na hindi nagkaroon ng kinalaman kay Cristo kailanman, kundi sa halip ay napagpapasyahan sa pamamagitan ng paghahangad ng tao. Ang hantungan at tagumpay o kabiguan ng tao ay hindi maaaring ipatong lahat sa ulo ng Diyos, para ang Diyos Mismo ay magpasan nito, dahil hindi ito isang bagay na para sa Diyos Mismo, kundi direkta itong nauugnay sa tungkuling dapat gampanan ng mga nilikha. Karamihan sa mga tao ay mayroon talagang kaunting kaalaman tungkol sa pinagsisikapan at hantungan nina Pablo at Pedro, subalit walang ibang alam ang mga tao bukod sa mga kinalabasan nina Pedro at Pablo, at wala silang alam tungkol sa lihim sa likod ng tagumpay ni Pedro, o sa mga kakulangang humantong sa kabiguan ni Pablo. Kaya nga, kung kayo ay lubos na walang kakayahang makakita sa diwa ng kanilang pinagsisikapan, mabibigo pa rin ang pinagsisikapan ng karamihan sa inyo, at kahit may kaunti sa inyo na magtatagumpay, hindi pa rin nila makakapantay si Pedro. Kung ang landas ng iyong pagsisikap ang siyang tama, may pag-asa kang magtagumpay; kung ang landas na iyong tinatahak sa paghahangad ng katotohanan ay mali, hindi mo makakayang magtagumpay magpakailanman, at hahantong sa kinalabasang katulad ng kay Pablo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 476

Si Pedro ay isang taong ginawang perpekto. Matapos makaranas ng pagkastigo at paghatol, at sa gayo’y magtamo ng dalisay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, saka lamang siya lubos na nagawang perpekto; ang landas na kanyang tinahak ay ang landas para magawang perpekto. Na ibig sabihin ay, sa simula pa lamang, ang landas na tinahak ni Pedro ay iyong tama, at ang nagganyak sa kanya para manampalataya sa Diyos ay iyong tama, kaya nga siya ay naging isang taong ginawang perpekto; tumahak siya sa isang bagong landas na hindi pa dating natahak ng tao kailanman. Gayunman, ang landas na natahak ni Pablo sa simula pa lamang ay ang landas na pasalungat kay Cristo, at dahil lamang sa ninais ng Banal na Espiritu na kasangkapanin siya, at gamitin ang kanyang mga kaloob at lahat ng kanyang kalakasan para sa Kanyang gawain, gumawa siya para kay Cristo sa loob ng ilang dekada. Isa lamang siyang tao na kinasangkapan ng Banal na Espiritu, at hindi siya kinasangkapan nang dahil sa tiningnan ni Jesus nang may pabor ang kanyang pagkatao, kundi dahil sa kanyang mga kaloob. Nakagawa siya para kay Jesus dahil siya ay hinampas, hindi dahil masaya siyang gawin iyon. Nagawa niya ang gayong gawain dahil sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, at ang gawaing kanyang ginawa ay hindi kumakatawan sa anumang paraan sa kanyang paghahangad, o sa kanyang pagkatao. Ang gawain ni Pablo ay kumatawan sa gawain ng isang lingkod, na ibig sabihin ay na ginawa niya ang gawain ng isang apostol. Si Pedro, gayumpaman, ay kaiba: Gumawa rin siya ng ilang gawain; hindi ito kasindakila ng gawain ni Pablo, ngunit gumawa siya habang hinahangad ang kanyang sariling pagpasok, at ang kanyang gawain ay kaiba sa gawain ni Pablo. Ang gawain ni Pedro ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Hindi siya gumanap sa papel ng isang apostol, kundi gumawa habang hinahangad na mahalin ang Diyos. Ang gawain ni Pablo ay naglaman din ng personal na pinagsisikapan niyang matamo: Ang kanyang pinagsisikapan ay walang iba kundi para sa kapakanan ng kanyang mga inaasam para sa hinaharap, at ng kanyang paghahangad sa isang magandang hantungan. Hindi siya tumanggap ng pagpipino sa panahon ng kanyang gawain, ni hindi siya tumanggap ng pagpupungos. Naniwala siya na basta’t ang gawaing kanyang ginawa ay nakatugon sa mga layunin ng Diyos, at lahat ng kanyang ginawa ay nakalugod sa Diyos, isang gantimpala ang naghintay sa kanya sa huli. Walang personal na mga karanasan sa kanyang gawain—lahat ng ito ay para sa mismong gawain niya, at hindi isinagawa sa gitna ng paghahangad ng pagbabago. Lahat sa kanyang gawain ay isang transaksyon, hindi ito naglaman ng anuman sa tungkulin o pagpapasakop ng isang nilikha. Habang patuloy ang kanyang gawain, walang nangyaring pagbabago sa dating disposisyon ni Pablo. Ang kanyang gawain ay pagseserbisyo lamang sa iba, at hindi kayang magdulot ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Isinagawa ni Pablo ang kanyang gawain nang tuwiran, nang hindi siya nagagawang perpekto o napupungusan, at siya ay naganyak ng gantimpala. Iba si Pedro: Isa siyang taong sumailalim na sa pagpupungos at pagpipino. Ang layunin at pangganyak ng gawain ni Pedro ay talagang naiiba mula sa layunin at pangganyak ni Pablo. Bagama’t hindi gumawa si Pedro ng maraming gawain, ang kanyang disposisyon ay sumailalim sa maraming pagbabago, at ang kanyang hinangad ay ang katotohanan, at tunay na pagbabago. Ang kanyang gawain ay hindi isinagawa para lamang sa kapakanan ng gawain mismo. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Pablo, lahat ng iyon ay gawain ng Banal na Espiritu, at kahit nakipagtulungan si Pablo sa gawaing ito, hindi ito resulta ng kanyang karanasan. Kaya gumawa si Pedro ng mas kaunting gawain ay dahil lamang sa hindi gumawa ng maraming gawain ang Banal na Espiritu sa kanya. Ang dami ng kanilang gawain ay hindi nagtatakda kung sila man ay ginawang perpekto; ang pinagsikapan ng isa ay upang tumanggap ng mga gantimpala, at ng isa naman ay upang magkamit ng sukdulang pagmamahal sa Diyos, at tuparin nang maayos ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, upang makapagsabuhay siya ng isang kaibig-ibig na imahe upang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Sa panlabas na anyo sila ay magkaiba, gayundin ang kanilang mga diwa. Hindi mo mapagpapasyahan kung sino sa kanila ang ginawang perpekto batay sa kung gaano karami ang ginawa nilang gawain. Hinangad ni Pedro na isabuhay ang wangis ng isang taong nagmamahal sa Diyos, maging isang taong nagpasakop sa Diyos, maging isang taong tumanggap ng pagpupungos, at maging isang taong tumupad nang maayos sa kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Nagawa niyang italaga ang kanyang sarili sa Diyos, ilagak ang kanyang kabuuan sa mga kamay ng Diyos, at magpasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Mayroon siya ng ganitong uri ng kapasyahan, at naisakatuparan niya rin ito. Ito ang ugat kaya sa huli ay iba ang kanyang kinalabasan mula sa kinalabasan ni Pablo. Ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu kay Pedro ay upang gawin siyang perpekto, at ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu kay Pablo ay ang kasangkapanin siya. Iyan ay dahil ang kanilang mga kalikasan at ang mga perspektiba sa likod ng kanilang mga paghahangad ay hindi pareho. Pareho nilang taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Inilapat ni Pedro ang gawaing ito sa kanyang sarili, at ibinigay rin ito sa iba; samantala, si Pablo naman ay nagkaloob lamang ng kabuuan ng gawain ng Banal na Espiritu sa iba, at siya mismo ay walang natamo mula rito. Sa ganitong paraan, matapos niyang maranasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng maraming taon, halos walang ipinagbago si Pablo. Nanatili pa rin siya halos sa kalagayan ng kanyang likas na pagkatao, at siya pa rin ang dating Pablo. Kaya lamang, matapos magtiis ng paghihirap sa maraming taon ng paggawa, natuto siyang “gumawa,” at natutong magtiis, ngunit ang kanyang dating kalikasan—ang likas niyang hilig na makipagpaligsahan at makinabang—ay nanatili pa rin. Matapos gumawa sa loob ng napakaraming taon, hindi niya nakilala ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi niya naiwaksi ang kanyang dating disposisyon, na malinaw pa rin iyong nakikita sa kanyang gawain. Mayroon lamang siyang mas maraming karanasan sa paggawa, ngunit hindi siya kayang baguhin ng gayon katiting na karanasan at hindi kayang baguhin ang kanyang pananaw sa pag-iral o sa kabuluhan ng kanyang paghahangad. Bagama’t gumawa siya sa loob ng maraming taon para kay Cristo, at hindi na muling inusig ang Panginoong Jesus kailanman, sa kanyang puso ay walang pagbabago sa kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Nangangahulugan ito na hindi siya gumawa upang ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, kundi sa halip ay napilitan siyang gumawa para sa kapakanan ng kanyang hantungan sa hinaharap. Sapagkat, sa simula, inusig niya si Cristo, at hindi siya nagpasakop kay Cristo; siya ay likas na isang rebelde na sadyang lumaban kay Cristo, at isang taong walang pagkakilala sa gawain ng Banal na Espiritu. Nang halos patapos na ang kanyang gawain, hindi pa rin niya kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, at kumilos lamang sa sarili niyang kusa batay sa kanyang sariling personalidad, nang hindi nagbibigay ni kaunting pansin sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Kaya nga ang kanyang kalikasan ay kaaway ni Cristo at hindi nagpapasakop sa katotohanan. Ang isang taong kagaya nito, na tinalikdan na ng gawain ng Banal na Espiritu, na hindi kilala ang gawain ng Banal na Espiritu, at lumaban din kay Cristo—paano kaya maililigtas ang gayong tao? Maaari mang mailigtas ang tao o hindi ay hindi nakasalalay sa kung gaano karaming gawain ang kanyang ginagawa, o kung gaano karami ang kanyang inilalaan, kundi sa halip ay napagpapasyahan sa kung kilala ba niya o hindi ang gawain ng Banal na Espiritu, kung kaya ba niya o hindi na isagawa ang katotohanan, at kung nakaayon ba sa katotohanan o hindi ang perspektiba sa likod ng kanyang paghahangad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 477

Bagama’t mayroon ngang mga likas na pagbubunyag si Pedro habang sumusunod kay Jesus, sa simula pa lamang, isa na siyang tao na may kalikasang handang magpasakop sa Banal na Espiritu at maghangad kay Cristo. Ang kanyang pagpapasakop sa Banal na Espiritu ay dalisay: Hindi siya naghangad ng kasikatan at pakinabang, kundi sadyang nagpasakop sa katotohanan. Bagama’t tatlong beses ikinaila ni Pedro na kilala niya si Cristo, at bagama’t sinubok niya ang Panginoong Jesus, ang gayong maliit na kahinaan ng tao ay walang kinalaman sa kanyang kalikasan, at hindi ito nakaapekto sa kanyang paghahangad sa hinaharap, at hindi nito mapatunayan nang sapat na ang kanyang panunubok ay gawa ng isang anticristo. Ang normal na kahinaan ng tao ay isang bagay na karaniwan sa lahat ng tao sa mundo—inaasahan mo ba na maiiba si Pedro kahit paano? Hindi ba may ilang pananaw ang mga tao tungkol kay Pedro dahil gumawa siya ng ilang hangal na bagay? At hindi ba labis na sinasamba ng mga tao si Pablo dahil sa dami ng gawaing kanyang ginawa, at sa bilang ng liham na kanyang isinulat? Paano makakaya ng tao na matalos ang diwa ng tao? Tiyak naman na ang mga tunay na may katwiran ay may kakayahang matalos ang isang bagay na gayon kawalang-halaga? Bagama’t hindi nakatala sa Bibliya ang maraming taon ng masasakit na karanasan ni Pedro, hindi nito pinatutunayan na hindi nagkaroon ng mga tunay na karanasan si Pedro, o na hindi ginawang perpekto si Pedro. Paano lubos na maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Ang mga nakatala sa Bibliya ay hindi personal na pinili ni Jesus, kundi pinagsama-sama ng mga sumunod na henerasyon. Dahil doon, hindi ba pinili ang lahat ng nakatala sa Bibliya ayon sa mga ideya ng tao? Bukod pa riyan, ang mga kinalabasan nina Pedro at Pablo ay hindi malinaw na nakalahad sa mga liham, kaya hinuhusgahan ng tao sina Pedro at Pablo ayon sa kanyang sariling mga pananaw, at ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan. At dahil napakaraming gawaing ginawa si Pablo, dahil napakarami ng kanyang mga “ambag,” nakuha niya ang tiwala ng masa. Hindi ba’t nagtutuon lamang ang tao sa mga panlabas? Paano makakayang matalos ng tao ang diwa ng tao? Bukod pa riyan, dahil inidolo si Pablo nang ilang libong taon, sino ang mangangahas na basta-bastang ikaila ang kanyang gawain? Si Pedro ay isa lamang mangingisda, kaya paano magiging kasindakila ng kay Pablo ang kanyang ambag? Pagdating sa mga ambag na ginawa nila, dapat ay unang ginantimpalaan si Pablo bago si Pedro, at siya dapat ang higit na makapagkamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Sino ang makakaisip na, sa Kanyang pagtrato kay Pablo, ginamit lang ng Diyos ang kanyang mga kaloob para pagawain siya ng gawain, samantalang ginawang perpekto ng Diyos si Pedro. Hindi nangyari na nakagawa ang Panginoong Jesus ng mga plano para kina Pedro at Pablo sa simula pa lamang: Sila, sa halip, ay ginawang perpekto o pinagawa ayon sa kanilang likas na kalikasan. Kaya nga, ang nakikita ng mga tao ay panlabas lamang na mga ambag ng tao, samantalang ang nakikita ng Diyos ay ang diwa ng tao, gayundin ang landas na tinatahak ng tao sa simula pa lamang, at ang pangganyak sa likod ng pinagsisikapang matamo ng tao. Sinusukat ng mga tao ang isang tao ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro, at ayon sa sarili nilang pananaw, subalit ang huling kalalabasan ng isang tao ay hindi napagpapasyahan ayon sa mga panlabas na katangian ng taong iyon. Kaya nga sinasabi ko na kung ang landas na iyong tinatahak sa simula pa lamang ay ang landas ng tagumpay, at ang perspektiba sa likod ng iyong paghahangad ay iyong tama sa simula pa lamang, katulad ka ni Pedro; kung ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan, anuman ang halagang iyong binabayaran, ang iyong kalalabasan ay magiging katulad pa rin ng kay Pablo. Ano’t anuman, ang iyong hantungan, at magtagumpay ka man o mabigo, ay kapwa natutukoy sa kung ang landas ba na iyong hinahangad ay ang tama o hindi, sa halip na ang iyong dedikasyon, o ang halaga na iyong binabayaran. Ang mga diwa nina Pedro at Pablo, at ang mga layuning kanilang pinagsisikapang matupad, ay magkaiba; hindi kaya ng tao na tuklasin ang mga bagay na ito, at ang Diyos lamang ang maaaring makaalam sa kabuuan ng mga iyon. Sapagkat ang nakikita ng Diyos ay ang diwa ng tao, samantalang walang alam ang tao tungkol sa sarili niyang diwa. Walang kakayahan ang tao na mamasdan ang diwa ng kalooban ng tao o ng kanyang totoong tayog, at sa gayon ay wala siyang kakayahang tukuyin ang mga dahilan ng kabiguan at tagumpay nina Pablo at Pedro. Ang dahilan kaya sinasamba ng karamihan ng tao si Pablo at hindi si Pedro ay na kinasangkapan si Pablo para sa gawaing pampubliko, at malinaw na nakikita ng tao ang gawaing ito, kaya nga kinikilala ng tao ang “mga nakamit” ni Pablo. Ang mga karanasan ni Pedro, samantala, ay hindi nakikita ng tao, at iyong kanyang hinangad ay hindi kayang matamo ng tao, kaya nga walang interes ang tao kay Pedro.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 478

Ginawang perpekto si Pedro sa pamamagitan ng pagdanas ng pagpupungos at pagpipino. Sabi niya, “Kailangan kong matugunan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng oras. Sa lahat ng aking ginagawa, ang hangad ko lamang ay matugunan ang mga layunin ng Diyos, at kahit ako ay kinakastigo o hinahatulan, masaya pa rin akong gawin iyon.” Ibinigay ni Pedro ang lahat-lahat niya sa Diyos, at lahat ng kanyang gawain, mga salita, at buong buhay ay alang-alang sa pagmamahal sa Diyos. Isa siyang taong naghangad ng pagpapabanal, at nang lalo siyang nakaranas, lalong lumago ang kanyang pagmamahal sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso. Si Pablo, samantala, ay gumawa lamang ng panlabas na gawain, at bagama’t nagsumikap din siya nang husto, ang kanyang mga pagpapagal ay para magawa nang wasto ang kanyang gawain at sa gayon ay magtamo ng gantimpala. Kung nalaman lamang niya na hindi siya tatanggap ng gantimpala, isinantabi na sana niya ang kanyang gawain. Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang tunay na pagmamahal sa kanyang puso, at iyong praktikal at maaaring makamit. Hindi niya pinahalagahan kung tatanggap man siya ng gantimpala, kundi kung ang kanyang disposisyon ay maaaring mabago. Ang pinahalagahan ni Pablo ay ang mas pagsumikapan pa ang kanyang gawain, pinahalagahan niya ang panlabas na gawain at ang kanyang paglalaan, at ang tungkol sa mga doktrinang nasa labas ng saklaw ng nararanasan ng normal na mga tao. Hindi niya pinahalagahan ang mga pagbabago sa kanyang kaibuturan ni ang tunay na pagmamahal sa Diyos. Ang mga karanasan ni Pedro ay upang magkamit ng tunay na pagmamahal at totoong pagkakilala sa Diyos. Ang kanyang mga karanasan ay upang magkaroon ng mas malapit na ugnayan sa Diyos, at magkaroon ng isang praktikal na pagsasabuhay. Ang gawain ni Pablo ay ginawa dahil ipinagkatiwala ito sa kanya ni Jesus; ginawa niya ito upang matamo ang mga bagay na kanyang inasam, subalit walang kaugnayan ang mga ito sa kanyang pagkakilala sa kanyang sarili at sa Diyos. Ang kanyang gawain ay para lamang matakasan ang pagkastigo at paghatol. Ang hinangad ni Pedro ay dalisay na pagmamahal, at ang hinangad naman ni Pablo ay ang korona ng katuwiran. Naranasan ni Pedro ang maraming taon ng gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon ng isang praktikal na pagkakilala kay Cristo, gayundin ng isang malalim na pagkakilala sa kanyang sarili. Kaya nga, ang kanyang pagmamahal sa Diyos ay dalisay. Ang maraming taon ng pagpipino ay nag-angat sa kanyang pagkakilala kay Jesus at sa buhay, at ang kanyang pagmamahal ay isang pagmamahal na walang kondisyon, isa iyong pagmamahal na aktibo, at wala siyang hiniling na anuman bilang kapalit, ni hindi siya umasa sa anumang mga pakinabang. Gumawa si Pablo nang maraming taon, subalit hindi siya nagkaroon ng malaking pagkakilala kay Cristo, at ang kanyang pagkakilala sa kanyang sarili ay kaawa-awang maliit. Wala talaga siyang pagmamahal kay Cristo, at ang kanyang gawain at ang daan na kanyang tinahak ay upang magkamit ng huling putong. Ang kanyang hinangad ay ang pinakamagandang korona, hindi ang pinakadalisay na pagmamahal. Hindi siya aktibong naghangad, kundi pasibo siya; hindi niya ginagampanan ang kanyang tungkulin, kundi napilitan sa kanyang pagsisikap matapos makuha ng gawain ng Banal na Espiritu. Kaya nga, ang kanyang pagsisikap ay hindi nagpapatunay na siya ay isang nilikhang pasok sa pamantayan—si Pedro ang nilikhang pasok sa pamantayan at gumampan ng kanyang tungkulin. Iniisip ng tao na lahat ng nag-aambag sa Diyos ay dapat tumanggap ng gantimpala, at na kapag mas malaki ang ambag, mas natural at tama lang na maging kalugod-lugod sila sa Diyos. Ang diwa ng pananaw ng tao ay transaksyonal, at hindi siya aktibong naghahangad na tuparin nang maayos ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Para sa Diyos, kapag mas naghahangad ang mga tao na tunay na mahalin ang Diyos at lubos na magpasakop sa Diyos, na nangangahulugan ng paghahangad na gampanan ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha, lalo nilang nagagawang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang pananaw ng Diyos ay ang hingin na mabawi ng tao ang kanyang orihinal na tungkulin at katayuan. Ang tao ay isang nilikha, kaya nga hindi dapat lumagpas ang tao sa kanyang hangganan sa paghingi ng anuman sa Diyos, at wala na siyang dapat gawin maliban sa gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ang mga hantungan nina Pablo at Pedro ay nasukat ayon sa kung kaya nilang tuparin nang maayos ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha, at hindi ayon sa kalakihan ng kanilang ambag; ang kanilang mga hantungan ay napagpasyahan ayon doon sa kanilang hinangad sa simula pa lamang, hindi ayon sa kung gaano karaming gawain ang kanilang ginawa, o sa paghusga ng ibang mga tao sa kanila. Kaya nga, ang paghahangad na aktibong gampanan ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang landas ng tagumpay; ang landas ng paghahangad ng tunay na pagmamahal para sa Diyos ay ang pinakatamang landas; ang paghahangad ng mga pagbabago sa dating disposisyon at dalisay na pagmamahal para sa Diyos ay ang landas ng tagumpay. Ang landas na iyon ng tagumpay ang landas ng pagbabalik sa orihinal na tungkulin gayundin sa orihinal na anyo ng isang nilikha. Ito ang landas ng pagbabalik, at ito rin ang layon ng lahat ng gawain ng Diyos mula simula hanggang katapusan. Kung ang paghahangad ng tao ay nababahiran ng personal na maluluhong kahingian at hindi makatwirang mga pag-asam, at ang epektong natatamo nito ay hindi mga pagbabago sa disposisyon ng tao, kung gayon, salungat ito sa gawain ng pagbawi. Walang duda na hindi ito ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu, kaya nga nagpapatunay ito na ang ganitong klaseng paghahangad ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Ano ang kabuluhan ng isang paghahangad na hindi sinasang-ayunan ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 479

Ang gawaing ginawa ni Pablo ay ipinakita sa harap ng tao, ngunit kung gaano kadalisay noon ang kanyang pagmamahal sa Diyos at gaano niya minahal ang Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso—ang mga bagay na ito ay hindi nakikita ng tao. Namamasdan lamang ng tao ang gawaing kanyang ginawa, kung saan nalalaman ng tao na tiyak na siya ay kinasangkapan ng Banal na Espiritu, kaya nga iniisip ng tao na mas mabuti si Pablo kaysa kay Pedro, na mas dakila ang kanyang gawain, sapagkat nagawa niyang tustusan ang mga iglesia. Tumuon lamang si Pedro sa kanyang mga personal na karanasan at iilang tao lamang ang natamo sa kanyang panaka-nakang gawain, at mula sa kanya iilan lamang ang di-gaanong kilalang mga liham. Ngunit sino ang nakakaalam kung gaano kadakila ang kanyang pagmamahal sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso? Araw-araw, gumawa si Pablo para sa Diyos: Basta’t may gawaing gagawin, ginawa niya iyon. Nadama niya na sa ganitong paraan ay magkakamit siya ng korona, at mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, subalit habang ginagawa niya ang kanyang gawain ay hindi siya naghangad ng mga paraan para baguhin ang kanyang sarili. Anuman sa buhay ni Pedro na hindi tumugon sa mga layunin ng Diyos ay nakaligalig sa kanya. Kung hindi niya tinugunan ang mga layunin ng Diyos, nakadama siya ng taos na pagsisisi, at naghanap ng angkop na paraan para mapagsikapan niyang mapalugod ang puso ng Diyos. Kahit sa pinakamaliit at pinakawalang-kabuluhang mga usapin sa kanyang buhay, hiningi pa rin niya sa kanyang sarili na tugunan ang mga layunin ng Diyos. Gayon din siya kahigpit pagdating sa kanyang dating disposisyon, laging mahigpit sa kanyang mga hinihingi sa kanyang sarili upang sumulong nang mas malalim sa katotohanan. Hinangad lamang ni Pablo ang paimbabaw na reputasyon at katayuan. Hinangad niyang ipagyabang ang kanyang sarili sa harap ng tao, at hindi naghangad na sumulong nang mas malalim sa kanyang buhay pagpasok. Ang kanyang pinahalagahan ay ang doktrina, hindi ang realidad. Sabi ng ilang tao, “Napakaraming ginawang gawain ni Pablo para sa Diyos, bakit hindi siya tinandaan ng Diyos? Gumawa lamang si Pedro ng kaunting gawain para sa Diyos, at hindi malaki ang iniambag sa mga iglesia, kaya bakit siya ginawang perpekto?” Minahal ni Pedro ang Diyos hanggang sa isang antas, na siyang ninais ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may patotoo. At ano naman ang kay Pablo? Gaano minahal ni Pablo ang Diyos? Alam mo ba? Para saan ba ginawa ang gawain ni Pablo? At para saan ginawa ang gawain ni Pedro? Hindi gaanong marami ang ginawang gawain ni Pedro, ngunit alam mo ba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanyang puso? Ang gawain ni Pablo ay ukol sa pagtustos sa mga iglesia, at sa suporta ng mga iglesia. Ang naranasan ni Pedro ay mga pagbabago sa kanyang buhay disposisyon; nakaranas siya ng pagmamahal para sa Diyos. Ngayong alam mo na ang mga pagkakaiba sa kanilang mga diwa, makikita mo kung sino, sa bandang huli, ang tunay na nanampalataya sa Diyos, at sino ang hindi tunay na nanampalataya sa Diyos. Ang isa sa kanila ay tunay na nagmahal sa Diyos, at ang isa pa ay hindi tunay na nagmahal sa Diyos; ang isa ay sumailalim sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ang isa pa ay hindi; ang isa ay mapagpakumbabang naglingkod, at hindi madaling napansin ng mga tao, at ang isa pa ay sinamba ng mga tao, at naging dakila ang imahe niya; ang isa ay naghangad ng pagpapabanal, at ang isa pa ay hindi, at bagama’t hindi siya marumi, hindi siya nag-angkin ng isang dalisay na pagmamahal; ang isa ay nag-angkin ng totoong pagkatao, at ang isa pa ay hindi; ang isa ay nagtaglay ng katwiran ng isang nilikha, at ang isa pa ay hindi. Gayon ang mga pagkakaiba sa mga diwa nina Pablo at Pedro. Ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng tagumpay, na siya ring landas ng pagkakamit ng pagbawi sa normal na pagkatao at pagbawi sa tungkulin ng isang nilikha. Kinakatawan ni Pedro ang lahat ng mga matagumpay. Ang landas na tinahak ni Pablo ay ang landas ng kabiguan, at kinakatawan niya ang lahat ng nagpapasakop lamang at ginugugol ang kanilang sarili nang paimbabaw, at walang tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso. Kinakatawan ni Pablo ang lahat ng hindi nagtataglay ng katotohanan. Sa kanyang pananampalataya sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na magpasakop sa lahat ng nagmula sa Diyos. Nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatian, at pagkasalat sa kanyang buhay, hindi siya bumigkas ng kahit isang reklamo. Wala sa mga ito ang maaaring magpabago sa kanyang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilikha? Ito man ay sa pagkastigo, paghatol, o kapighatian, may kakayahan kang magkamit ng pagpapasakop hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilikha, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang nilikhang pasok sa pamantayan, at wala nang ibang mas tumutugon sa mga layunin ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi tinupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang tungkol sa paggawa para sa Diyos, at hindi ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili; hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha, at ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos. Bunsod ng mga dahilan na ito kaya ang gayong mga tao ay hindi nagugustuhan ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 480

Sabi ng ilang tao, “Gumawa si Pablo ng napakaraming gawain, at nagsabalikat siya ng mabibigat na pasanin para sa mga iglesia at nagbigay ng napakalaking pakinabang sa mga iyon. Itinaguyod ng labintatlong liham ni Pablo ang 2,000 taon ng Kapanahunan ng Biyaya, at pumapangalawa lamang sa Apat na Ebanghelyo. Sino ang maikukumpara sa kanya? Walang sinumang makapagbigay-kahulugan sa Pahayag ni Juan, samantalang ang mga liham ni Pablo ay nagtutustos ng buhay, at ang gawaing kanyang ginawa ay kapaki-pakinabang sa mga iglesia. Sino pa ang maaaring makagawa ng gayong mga bagay? At ano ang gawaing ginawa ni Pedro?” Kapag sinusukat ng tao ang iba, ginagawa niya iyon ayon sa kanilang naging ambag. Kapag sinusukat ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon ayon sa kalikasan ng tao. Sa mga naghahangad ng buhay, si Pablo ay isang taong hindi kilala ang sarili niyang diwa. Hindi siya mapagpakumbaba o mapagpasakop sa anumang paraan, at wala siyang anumang pagkakilala sa kanyang diwa, na salungat sa Diyos. Kaya nga, siya ay isang taong hindi pa sumailalim sa mga detalyadong karanasan, at isang taong hindi nagsagawa ng katotohanan. Iba si Pedro. May pagkakilala siya sa kanyang mga pagkukulang, kahinaan, at kanyang tiwaling disposisyon bilang isang nilikha, kaya nga nagkaroon siya ng isang landas ng pagsasagawa na naging daan upang magbago ang kanyang disposisyon; hindi siya isa sa mga mayroon lamang doktrina ngunit hindi nagtaglay ng realidad. Iyong mga nagbabago ay mga bagong tao na naligtas na, sila iyong mga pasok sa pamantayan at naghahangad ng katotohanan. Ang mga taong hindi nagbabago ay ang mga nananatili sa kanilang likas na kalagayan at nananatiling mga parehong dating tao; sila iyong mga hindi naligtas, ibig sabihin, iyong mga itinaboy ng Diyos. Hindi sila tatandaan ng Diyos gaano man kadakila ang kanilang gawain. Kapag ikinumpara mo ito sa sarili mong paghahangad, kung ang uri mo bilang tao, sa huli, ay kapareho ni Pedro o ni Pablo ay dapat maging malinaw. Kung wala pa ring katotohanan sa iyong paghahangad, at kung kahit ngayon ay mayabang ka pa rin at walang-pakundangan na kagaya ni Pablo, at kasing-eksaherado pa rin niya, walang duda na isa kang imoral na tao na nabibigo. Kung naghahangad ka ng katulad ng ginawa ni Pedro, naghahangad ng mga pagsasagawa at tunay na mga pagbabago, hindi mayabang o sutil, at sa halip ay hinahangad mong gampanan ang iyong tungkulin, ikaw ay magiging isang nilikha na kayang magtamo ng tagumpay. Hindi kilala ni Pablo ang sarili niyang diwa o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang paghihimagsik. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na pagsalungat kay Cristo, ni hindi siya labis-labis na nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang sumuko sa Diyos. Bagama’t bumagsak siya sa lupa sa daan patungong Damasco, hindi niya sinuri ang kanyang sarili mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Kontento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga usapin ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Kontento na siya sa pagsasalita lamang ng katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsensiya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang layong kanyang hinangad ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at pansamantalang gawain, ang layong kanyang hinangad ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi niya hinangad na sumulong nang mas malalim sa katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samakatwid ay masasabi na ang kanyang pagkakilala sa kanyang sarili ay peke, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay may taglay na siyang pagkakilala sa kanyang sariling kalikasan o diwa; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasyang gawin, ni hindi siya gumagampan ng gawain pagkatapos tanggapin ang pagpupungos ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi nagbayad-sala para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang tiyak na papel sa mga iglesia noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nagkamit ng kaligtasan, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinatanggap ng Panginoong Jesus. Hindi siya isang taong puno ng pagmamahal at takot kay Jesucristo, ni hindi siya isang taong bihasa sa paghahanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang taong naghanap sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Isa lamang siyang taong sanay sa huwad na pangangatwiran, at hindi sumusuko sa sinumang nakatataas sa kanya o sa sinumang nagtataglay ng katotohanan. Kinainggitan niya ang mga tao o ang mga katotohanang taliwas sa kanya, o laban sa kanya, mas gusto niya ang mga taong maalam na nagpakita ng engrandeng imahe at nagtataglay ng malalim na kaalaman. Ayaw niyang makihalubilo sa mga taong maralita na naghahanap sa tunay na daan at walang ibang minamahal kundi ang katotohanan, sa halip ay mas gusto niya ang mga nakatataas na tao mula sa mga relihiyosong organisasyon na nagsasalita lamang tungkol sa mga doktrina, at may saganang kaalaman. Wala siyang pagmamahal sa bagong gawain ng Banal na Espiritu at hindi siya tumuon sa paggalaw ng bagong gawain ng Banal na Espiritu. Sa halip, pinaburan niya iyong mga regulasyon at doktrina na mas nakatataas kaysa mga pangkalahatang katotohanan. Sa kanyang likas na diwa at sa kabuuan ng kanyang hinangad, hindi siya karapat-dapat na matawag na isang Kristiyano na naghanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang tapat na lingkod sa sambahayan ng Diyos, sapagkat masyado siyang mapagpaimbabaw, at napakatindi ng kanyang paghihimagsik. Bagama’t kilala siya bilang isang lingkod ng Panginoong Jesus, hinding-hindi siya akmang pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ang kanyang mga kilos mula simula hanggang katapusan ay hindi matatawag na matuwid. Maaari lamang siyang ituring na mapagpaimbabaw, at gumawa ng pagiging di-matuwid, subalit gumawa rin para kay Cristo. Bagama’t hindi siya matatawag na masama, maaari siyang angkop na tawagin na isang taong gumawa ng pagiging di-matuwid. Marami siyang ginawang gawain, subalit hindi siya dapat suriin batay sa dami ng gawaing kanyang ginawa, kundi sa kalidad at diwa lamang nito. Sa paraang ito lamang posibleng malaman ang pinag-ugatan ng bagay na ito. Naniwala siya noon pa man: “Kaya kong gumawa, mas mahusay ako kaysa sa karamihan ng mga tao; mapagsaalang-alang ako sa pasanin ng panginoon nang higit kaninuman, at walang sinumang nagsisisi nang mas malalim na katulad ko, sapagkat nasinagan ako ng dakilang liwanag, at nakita ko na ang dakilang liwanag, kaya nga mas malalim ang aking pagsisisi kaysa kaninuman.” Sa panahong iyon, ito ang nasasaloob ng kanyang puso. Sa katapusan ng kanyang gawain, sinabi ni Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka. Natapos ko na ang takbuhin, at may nakalaan para sa akin na isang putong ng katuwiran.” Ang kanyang laban, gawain, at lakbayin ay lubos na para sa kapakanan ng korona ng katuwiran, at hindi siya aktibong sumulong. Bagama’t hindi siya pabaya sa kanyang gawain, masasabi na ang kanyang gawain ay ginawa para lamang punan ang kanyang mga pagkakamali, punan ang mga panunumbat ng kanyang konsensiya. Inasam lamang niyang kompletuhin ang kanyang gawain, tapusin ang kanyang lakbayin, at tapusin ang kanyang paglaban sa lalong madaling panahon, upang matamo niya ang kanyang inaasam na korona ng katuwiran nang mas maaga. Ang kanyang inasam ay hindi upang makatagpo ang Panginoong Jesus sa kanyang mga karanasan at tunay na pagkaunawa, kundi upang tapusin ang kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang matanggap niya ang mga gantimpalang dapat niyang makamit sa kanyang gawain nang makatagpo niya ang Panginoong Jesus. Ginamit niya ang kanyang gawain upang aliwin ang kanyang sarili, at bilang isang uri ng pakikipagtransaksyon, umaasang maipagpapalit ito para sa isang korona sa hinaharap. Ang kanyang hinangad ay hindi ang katotohanan o ang Diyos, kundi ang korona lamang. Paano magiging pasok sa pamantayan ang gayong paghahangad? Ang kanyang pangganyak, kanyang gawain, ang halagang kanyang ibinayad, at lahat ng kanyang isinakripisyo—lumaganap sa lahat ng iyon ang kanyang kamangha-manghang mga pantasya, at ganap siyang gumawa ayon sa kanyang sariling mga pagnanais. Sa kabuuan ng kanyang gawain, wala ni katiting na pagkukusa sa halagang kanyang ibinayad; ginagawa lang niya ito sa transaksyonal na paraan. Ang kanyang mga pagsakripisyo ay hindi kusang ginawa alang-alang sa kanyang tungkulin, kundi kusang ginawa upang makamit ang pakay niya na makipagtransaksyon. May anumang halaga ba ang gayong mga pagsasakripisyo? Sino ang sasang-ayon sa kanyang maruruming pagsasakripisyo? Sino ang may interes sa gayong mga pagsasakripisyo? Ang kanyang gawain ay puno ng mga pangarap para sa hinaharap, puno ng kamangha-manghang mga plano, at walang anumang landas para mabago ang disposisyon ng tao. Nag-uumapaw siya sa huwad na kabutihan; ang kanyang gawain ay hindi tumustos ng buhay, kundi isang pakunwaring pagka-elegante; transaksyonal ito. Paano maaakay ng gawaing gaya nito ang tao tungo sa landas ng pagbabalik sa kanyang orihinal na tungkulin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 481

Lahat ng hinangad ni Pedro ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Hinangad niyang matugunan ang mga layunin ng Diyos, at kahit kinailangan niyang magdusa ng paghihirap at kagipitan, handa pa rin siyang matugunan ang mga layunin ng Diyos. Wala nang hihigit pang paghahangad ng isang mananampalataya ng Diyos. Ang hinangad ni Pablo ay may bahid ng kanyang sariling laman, ng kanyang sariling mga kuru-kuro, at ng kanyang sariling mga plano at pakana. Hindi siya isang nilikha na pasok sa pamantayan sa anumang paraan; hindi siya isang taong naghangad na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Hinangad ni Pedro na ipaubaya ang sarili sa mga pamamatnugot ng Diyos, at bagama’t ang gawaing kanyang ginawa ay hindi malaki, ang motibasyon sa likod ng kanyang paghahangad at ang landas na kanyang tinahak ay tama; ibig sabihin, bagama’t hindi siya nakapagkamit ng maraming tao, nagawa niyang hangarin ang daan ng katotohanan. Dahil dito, masasabi na siya ay isang nilikhang pasok sa pamantayan. Ngayon, kahit hindi ka isang manggagawa, dapat mong magawang tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha at hangarin ang ipasailalim ang lahat ng bagay sa pamamatnugot ng Diyos. Dapat kang makapagpasakop sa anumang sinasabi ng Diyos, at maranasan ang lahat ng klase ng mga kapighatian at pagpipino, at bagama’t ikaw ay mahina, sa puso mo ay dapat mo pa ring magawang mahalin ang Diyos. Iyong mga umaako sa sarili nilang buhay ay handang tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at ang perspektiba sa likod ng paghahangad ng gayong mga tao ang siyang tama. Sila ang mga taong kailangan ng Diyos. Kung marami kang ginawang gawain, at nakatanggap ang iba ng gabay mula sa iyo, ngunit ikaw mismo ay hindi nagbago, at hindi nagpatotoo, o nagkaroon ng anumang tunay na karanasan, sa gayo’y sa katapusan ng iyong buhay, wala pa rin sa iyong mga nagawa ang nagpapatotoo, isa ka bang taong sumailalim sa pagbabago? Isa ka bang taong naghahangad ng katotohanan? Sa panahong iyon, kinasangkapan ka ng Banal na Espiritu, ngunit nang kasangkapanin ka Niya, ginamit Niya ang bahagi mo na maaaring gamitin para gumawa, at hindi Niya ginamit ang bahagi mo na hindi magagamit. Kung naghangad ka ng mga pagbabago, unti-unti kang magagawang perpekto habang kinakasangkapan ka. Subalit ang Banal na Espiritu ay hindi ganap na responsable kung makakamit ka o hindi sa huli—depende ito sa kung paano mismo tumatakbo ang iyong paghahangad. Kung walang mga pagbabago sa iyong personal na disposisyon, iyan ay dahil mali ang perspektiba sa likod ng iyong paghahangad. Kung hindi ka gantimpalaan, sarili mo nang problema iyon, dahil hindi mo mismo naisagawa ang katotohanan at hindi mo matugunan ang mga layunin ng Diyos. Kaya nga, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa personal mong mga karanasan, at walang mas kritikal kaysa sa personal mong pagpasok! Sa huli ay sasabihin ng ilang tao, “Napakarami kong nagawang gawain para sa Iyo, at kahit na wala akong anumang nakamit, nagtiis ako ng paghihirap. Hindi Mo ba ako maaaring papasukin na lamang sa langit para kainin ang bunga ng buhay?” Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; iyong marurumi ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, iyong marurumi ay hindi pinapayagang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t puwedeng marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli, ikaw pa rin ay kalunos-lunos na marumi, at hindi ito katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pagkakalikha ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng gayong madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makababasag dito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, iyong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila iyong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin nang maayos ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi ka naghahangad ng pagbabago sa iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 482

Mula sa pagkakaiba ng mga diwa nina Pedro at Pablo ay dapat mong maunawaan na lahat ng hindi naghahangad ng buhay ay nagpapakapagod nang walang saysay! Sa pananampalataya sa Diyos at pagsunod sa Kanya, kailangang mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso, kailangan mong iwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangarin na matugunan ang mga layunin ng Diyos, at kailangan mong tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil nananampalataya at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o kahingian, at dapat mong makamit ang katugunan sa mga layunin ng Diyos. Dahil ikaw ay isang nilikhang tao, dapat kang magpasakop sa Panginoon na lumikha sa iyo, sapagkat likas mong hindi makontrol ang iyong sarili, at wala kang likas na abilidad na kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong nananampalataya sa Diyos, dapat kang maghangad ng pagpapabanal at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilikha, dapat kang kumapit sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang limitahan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran. Kung pagkukumparahin mo ang mga diwa nina Pedro at Pablo, malalaman mo kung paano ka dapat maghangad. Sa mga landas na tinahak nina Pedro at Pablo, ang isa ay ang landas para magawang perpekto, at ang isa pa ay ang landas ng pagtitiwalag; sina Pedro at Pablo ay kumakatawan sa dalawang magkaibang landas. Bagama’t bawat isa ay tumanggap ng gawain ng Banal na Espiritu, at bawat isa ay nagtamo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at bawat isa ay tinanggap iyong naipagkatiwala sa kanila ng Panginoong Jesus, hindi pareho ang naging bunga sa bawat isa: Ang isa ay totoong nagbunga, at ang isa pa ay hindi. Mula sa kanilang mga diwa, sa gawaing kanilang ginawa, iyong ipinahayag nila sa panlabas, at sa kanilang huling mga kinalabasan, dapat mong maunawaan kung aling landas ang dapat mong tahakin, aling landas ang dapat mong piliing lakaran. Tinahak nila ang dalawang malinaw na magkaibang landas. Sina Pablo at Pedro, sila ang kinatawan ng bawat landas, kaya nga mula pa sa simula ay ipinresenta na sila bilang mga huwaran. Ano ang mahahalagang punto ng mga karanasan ni Pablo, at bakit hindi siya nagtagumpay? Ano ang mahahalagang punto ng mga karanasan ni Pedro, at paano niya naranasan ang magawang perpekto? Kung pagkukumparahin mo kung ano ang pinahalagahan ng bawat isa sa kanila, malalaman mo kung anong klaseng tao talaga ang nais ng Diyos, ano ang mga layunin ng Diyos, ano ang disposisyon ng Diyos, anong klaseng tao ang gagawing perpekto sa huli, at anong klaseng tao rin ang hindi gagawing perpekto; malalaman mo kung ano ang disposisyon ng mga gagawing perpekto, at ano ang disposisyon ng mga hindi gagawing perpekto—ang mga isyung ito ng diwa ay makikita sa mga karanasan nina Pedro at Pablo. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya nga ginagawa Niyang sumailalim ang lahat ng nilikha sa Kanyang kapamahalaan at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; paghaharian Niya ang lahat ng bagay, para lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, kabundukan at mga ilog, at mga lawa—lahat ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pamamatnugot. Ito ay inorden ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos. Pinaghaharian ng Diyos ang lahat, at idinudulot Niya na lahat ng bagay ay nakaayos at nakahanay, na ang bawat isa ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at ang bawat isa ay nasa lugar na kinabibilangan ng mga ito, ayon sa mga pagnanais ng Diyos. Gaano man iyon kalaki, walang anumang bagay ang makakahigit sa Diyos, lahat ng bagay ay nagsisilbi sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay ang nangangahas na magkanulo sa Diyos o humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ang tao, bilang isang nilikha, ay kailangan ding tuparin nang maayos ang tungkulin ng tao. Ang tao man ang amo o tagapamahala ng lahat ng bagay, gaano man kataas ang katayuan ng tao sa lahat ng bagay, isa pa rin siyang napakaliit na tao sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos; isang napakaliit na tao lang, isang nilikha, at hindi kailanman makahihigit sa Diyos. Bilang isang nilikha, dapat hangarin ng tao na kilalanin ang Lumikha at tuparin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha, at ang pinakamahalaga, hangaring mahalin ang Diyos nang hindi gumagawa ng anumang iba pang pagpili, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Iyong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o ng mga personal na inaasam; ito ang pinakatamang paraan para maghangad. Kung ang hinahangad mo ay ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung ang hinahangad mo ay ang mga pagpapala ng laman, at ang isinasagawa mo ay ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang anumang pagbabago sa iyong disposisyon, at hinding-hindi ka mapagpasakop sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o ititiwalag ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng isang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Sinundan: Pagpasok sa Buhay II

Sumunod: Pagpasok sa Buhay IV

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito