Pagkilala sa Gawain ng Diyos I

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 141

Ang malaman ang gawain ng Diyos sa mga panahong ito, sa pangunahin, ay ang malaman kung ano ang pangunahing ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos sa mga huling araw, at kung ano ang pinarito Niya upang gawin sa lupa. Nabanggit Ko na dati sa Aking mga salita na naparito ang Diyos sa lupa (sa mga huling araw) para magtakda ng isang huwaran bago lumisan. Paano itinatakda ng Diyos ang huwarang ito? Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita, at sa paggawa at pagsasalita sa buong lupain. Ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw; nagsasalita lamang Siya, nang sa gayon ang lupa ay maging isang mundo ng mga salita, at upang ang bawat tao ay matustusan at maliwanagan ng Kanyang mga salita, at nang sa gayon makita ang liwanag sa loob ng kanilang espiritu at magkamit ng kalinawan tungkol sa mga pangitain. Sa mga huling araw, pangunahing nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa lupa upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Pumarito Siya pangunahin upang ipahayag ang Kanyang mga salita—gamit ang mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at bigyang-liwanag ang tao—at sa gayon ay inaalis ang puwang ng malabong Diyos sa puso ng tao. Nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang yugtong ito ng gawain. Nang pumarito Siya, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Bunga nito, sa mga kuru-kuro ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalis ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, kaya wala na ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang mga praktikal na salita at gawain, ng mga pagbisita Niya sa iba’t ibang lugar, at ng natatanging praktikal at normal na gawaing ginagawa Niya sa gitna ng tao, ipinapaalam Niya sa tao ang pagiging praktikal ng Diyos, at inaalis ang puwang ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.

Ang kailangan ninyong malaman:

1. Ang gawain ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan, at hindi kayo dapat magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol doon.

2. Kailangan ninyong maunawaan ang pangunahing gawaing gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao kaya Siya naparito.

Hindi Siya naparito para pagalingin ang mga maysakit, o palayasin ang mga demonyo, o magsagawa ng mga himala, at hindi Siya naparito para ipangaral ang ebanghelyo ng pagsisisi, o tubusin ang tao. Iyon ay dahil nagawa na ni Jesus ang gawaing ito, at hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Ngayon, naparito ang Diyos para wakasan ang Kapanahunan ng Biyaya at buwagin ang lahat ng pagsasagawa ng Kapanahunan ng Biyaya. Pangunahing naparito ang praktikal na Diyos para ibunyag ang Kanyang pagiging praktikal. Nang pumarito si Jesus, hindi Siya labis na nagsalita; nagpakita Siya, sa pangunahin, ng mga himala, nagsagawa ng mga tanda at kababalaghan, at nagpagaling ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, o kung hindi man ay nagpahayag Siya ng mga propesiya, lahat upang mapaniwala ang mga tao sa Kanya nang may lubos na paninindigan at maipakita sa kanila na talagang Siya ang Diyos at wala Siyang mga damdamin ng laman. Sa huli, tinapos Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Diyos ng ngayon ay hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, ni hindi Siya nagpapagaling ng mga maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo. Nang pumarito si Jesus, ang gawaing Kanyang ginawa ay kumatawan sa isang bahagi ng Diyos, ngunit sa pagkakataong ito ay naparito ang Diyos para gawin ang yugto ng gawaing kinakailangan. Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain, Siya ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman naluluma, kaya naman lahat ng nakikita mo ngayon ay ang mga salita at gawain ng praktikal na Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 142

Sa mga huling araw, pangunahing nagkatawang-tao ang Diyos upang ipahayag ang Kanyang mga salita, upang ipaliwanag ang lahat ng kinakailangan para sa buhay ng tao, ituro ang dapat pasukin ng tao, ipakita sa tao ang mga gawa ng Diyos, at ipakita sa tao ang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Sa pamamagitan ng maraming paraan ng pagsasalita ng Diyos, namamasdan ng tao ang pangingibabaw ng Diyos, ang kadakilaan ng Diyos, at, higit pa rito, ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Nakikita ng tao na ang Diyos ay kataas-taasan, ngunit na Siya ay mapagpakumbaba at tago, at kayang maging pinakaaba sa lahat. Ang ilan sa Kanyang mga salita ay direktang sinasalita mula sa perspektiba ng Espiritu, ang ilan ay direktang mula sa perspektiba ng tao, at ang ilan ay mula sa perspektiba ng pangatlong tao. Dito, makikita na ang paraan ng gawain ng Diyos ay nagkakaiba-iba nang husto, at sa pamamagitan ng mga salita ay tinutulutan Niyang makita ito ng tao. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay kapwa normal at praktikal, at dahil dito ay isinasailalim ang grupo ng mga tao sa mga huling araw sa pinakamatindi sa lahat ng pagsubok. Dahil sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos, lahat ng tao ay nakapasok sa gitna ng mga pagsubok; nasadlak ang tao sa mga pagsubok ng Diyos dahil sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos. Noong kapanahunan ni Jesus, walang mga kuru-kuro o pagsubok. Dahil karamihan sa gawaing ginawa ni Jesus ay umayon sa mga kuru-kuro ng tao, sinundan Siya ng mga tao, at wala silang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Ang mga pagsubok sa ngayon ang pinakamatinding nakaharap ng tao, at kapag sinabi na ang mga taong ito ay nakalabas mula sa malaking kapighatian, ito ang kapighatiang tinutukoy. Ngayon, nagsasalita ang Diyos para palakasin ang pananalig, pagmamahal, pagtanggap ng pagdurusa, at pagpapasakop sa mga taong ito. Ang mga salitang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay ipinahayag alinsunod sa kalikasang diwa ng tao, sa pag-uugali at mga pagpapamalas ng tao, at sa dapat pasukin ng tao sa kasalukuyan. Ang Kanyang mga salita ay kapwa praktikal at normal: Hindi Siya nagsasalita tungkol sa kinabukasan, ni hindi Siya lumilingon sa kahapon; nagsasalita lamang Siya tungkol sa dapat pasukin, isagawa, at unawain ngayon. Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, kung gayon, ito ay isang impersonasyon ng isang masamang espiritu, ang akto ng isang masamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakompleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao; halimbawa, ipinropesiya sa Lumang Tipan ang pagparito ng isang Mesiyas, at lumabas na si Jesus ang dumating. Sa gayon ay magiging mali na pumarito ang isa pang Mesiyas. Pumarito nang minsan si Jesus, at magiging mali kung pumaritong muli si “Jesus” sa pagkakataong ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at bawat pangalan ay may paglalarawan ng kapanahunang iyon. Sa mga kuru-kuro ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi talaga ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagpalayas pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit—kung ginawa Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong sinusubukang gayahin ng masasamang espiritu, at matapos simulang mahigpit na buntutan ni Satanas ang Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, sinusubukan itong gayahin ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa inyo ang tungkol dito. Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi nagpapalayas ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga maysakit ang Diyos ngayon? Kung naging pareho ang gawain ni Jesus sa gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang kinatawan Niya ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari kayang natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus? Kung umanib si Jesus sa templo at sinunod ang Sabbath gaya noong Kapanahunan ng Kautusan, nang hindi inuusig ng sinuman at tinatanggap ng lahat, maaari kayang naipako Siya sa krus? Natapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging punto kung magpapakita ng mga tanda at kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Tanging kung ginagawa ng Diyos ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa mga huling araw, isang kumakatawan sa bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala, saka lamang magkakaroon ang tao ng mas malalim na pagkakilala sa Diyos, at matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 143

Sa mga huling araw, naparito ang Diyos pangunahin upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa perspektiba ng Espiritu, mula sa perspektiba ng tao, at mula sa perspektiba ng pangatlong tao; nagsasalita Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang mga paraang ito ng pagsasalita para baguhin ang mga kuru-kuro ng tao at tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginagawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na kapag pumarito ang Diyos, pagagalingin Niya ang mga maysakit, palalayasin ang mga demonyo, gagawa Siya ng mga himala, at magkakaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay sa mga kuru-kuro ng tao, idulot na makilala ng tao ang pagiging praktikal at normal ng Diyos, at alisin ang kasalukuyang wangis ni Jesus sa puso ng tao, sa halip ay binibigyang-daan ang panibagong wangis ng Diyos na umokupa sa puso ng tao. Sa sandaling maluma ang wangis ng Diyos sa loob ng tao, nagiging isang diyos-diyosan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito ay pangunahing ang pagtutustos ng mga salita ng buhay para sa tao; ang paglalantad sa kalikasang diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon; at ang pag-aalis ng kanyang mga kuru-kurong panrelihiyon, piyudal na pag-iisip, lipas na pag-iisip, at kaalaman at kultura. Ang lahat ng bagay na ito ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad gamit ang mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ibunyag ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makita ng tao ang mga gawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, inakay ni Jehova si Moises palabas ng Ehipto gamit ang Kanyang mga salita, at nagpahayag ng ilang salita sa mga Israelita; noon, bahagi ng mga gawa ng Diyos ay nabunyag, ngunit dahil limitado ang kakayahan ng tao at walang maaaring kumumpleto sa kanyang kaalaman, patuloy na nagsalita at gumawa ang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nakitang muli ng tao ang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Nagawang magpakita ni Jesus ng mga tanda at kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at magpapako sa krus, at pagkaraan ng tatlong araw ay nabuhay Siyang mag-uli at nagpakita sa katawang-tao sa harap ng tao. Tungkol sa Diyos, wala nang ibang alam ang tao na higit pa rito. Ang nalalaman ng tao ay kasindami lamang ng ipinapamalas ng Diyos sa kanya, at kung wala nang anumang ipapamalas ang Diyos sa tao, iyon ang magiging lawak ng paglilimita ng tao sa Diyos. Sa gayon, patuloy na gumagawa ang Diyos, upang mas lumalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya, at upang unti-unting makilala ng tao ang diwa ng Diyos. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang gawing perpekto ang tao. Ang iyong tiwaling disposisyon ay inilalantad ng mga salita ng Diyos, at ang iyong mga kuru-kurong pangrelihiyon ay pinapalitan ng pagiging praktikal ng Diyos. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos, pangunahin, para tuparin ang mga salitang “ang Salita ay nagkatawang-tao, ang Salita ay dumating sa loob ng katawang-tao, at ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at kung wala kang masusing kaalaman tungkol dito, hindi ka magiging matatag. Sa mga huling araw, pangunahing layon ng Diyos na magsakatuparan ng isang yugto ng gawain kung saan nagpapakita ang Salita sa katawang-tao, at ito ay isang bahagi ng gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa gayon, kailangang maging lubos ang inyong kaalaman; paano man gumagawa ang Diyos, hindi pinahihintulutan ng Diyos na limitahan Siya ng tao. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawaing ito sa mga huling araw, hindi na lalago pa ang pagkakilala ng tao sa Kanya. Malalaman mo lamang na ang Diyos ay kayang ipako sa krus at kayang wasakin ang Sodoma, at na si Jesus ay kayang bumangon mula sa mga patay at magpakita kay Pedro…. Ngunit hindi mo sasabihin kailanman na ang mga salita ng Diyos ay kayang isakatuparan ang lahat, at kayang lupigin ang tao. Maaari mo lamang ipahayag ang gayong kaalaman sa pamamagitan ng pagdanas ng mga salita ng Diyos. Habang mas maraming gawain ng Diyos ang nararanasan mo, mas magiging lubos ang iyong pagkakilala sa Kanya, at saka mo lamang hindi lilimitahan ang Diyos sa loob ng sarili mong mga kuru-kuro. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang gawain; wala nang ibang tamang paraan para makilala ang Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 144

Ngayon, dapat ay maging malinaw sa inyong lahat na, sa mga huling araw, pangunahing ang katunayan na “ang Salita ay nagkatawang-tao” ang isinasakatuparan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang praktikal na gawain sa lupa, ginagawa Niyang makilala Siya ng tao at makipag-ugnayan sa Kanya ang tao, at makita ng tao ang Kanyang praktikal na mga gawa. Binibigyang-daan Niya na malinaw na makita ng tao na kaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at na mayroon ding mga pagkakataon na hindi Niya magawa iyon; nakadepende ito sa kapanahunan. Mula rito, makikita mo na hindi walang kakayahan ang Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit sa halip ay binabago Niya ang Kanyang paraan ng paggawa ayon sa gawaing gagawin at ayon sa kapanahunan. Sa kasalukuyang yugto ng gawain, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; nagpakita Siya ng ilang tanda at kababalaghan sa kapanahunan ni Jesus dahil iba ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon. Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing iyon ngayon, at naniniwala ang ilang tao na hindi Niya kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, o iniisip nila na sapagkat hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi Siya Diyos. Hindi ba’t maling kaisipan iyan? Kaya ng Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit gumagawa Siya sa ibang kapanahunan, kaya hindi Siya gumagawa ng gayong gawain. Sa iba’t ibang kapanahunan at ayon sa iba’t ibang yugto ng Kanyang gawain, nagpapamalas ang Diyos ng iba’t ibang gawa. Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi pananampalataya sa mga tanda at kababalaghan, ni hindi pananampalataya sa mga himala, kundi pananampalataya sa Kanyang praktikal na gawain sa bagong kapanahunan. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at ang kaalamang ito ay nagbubunga sa tao ng pananampalataya sa Diyos, na ibig sabihin, pananampalataya sa gawain at mga gawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, pangunahing nagsasalita ang Diyos. Huwag hintaying makakita ng mga tanda at kababalaghan; wala kang makikitang anuman! Ito ay dahil hindi ka isinilang sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinilang ka noon, maaaring nakita mo ang mga tanda at kababalaghan, ngunit isinilang ka sa mga huling araw, kaya nga ang nakikita mo lamang ay ang pagiging praktikal at normal ng Diyos. Huwag mong asahang makita ang higit sa karaniwan na Jesus sa mga huling araw. Nagagawa mo lamang makita ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao, na hindi naiiba sa sinumang normal na tao. Sa bawat kapanahunan, nagpapamalas ang Diyos ng iba’t ibang gawa. Sa bawat kapanahunan, nagpapamalas Siya ng bahagi ng Kanyang mga gawa, at ang gawain ng bawat kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Ang mga gawang ipinapamalas Niya ay nag-iiba ayon sa kapanahunan kung saan Siya gumagawa, ngunit binibigyang-daan ng lahat ng ito na lumalim ang pagkilala ng tao sa Diyos, at binibigyang-daan nito na magkaroon ng mas totoo at mas matatag na pananampalataya sa Diyos ang tao. Nananampalataya ang tao sa Diyos dahil sa lahat ng gawa ng Diyos, dahil ang Diyos ay lubhang kamangha-mangha, napakadakila, at makapangyarihan sa lahat, at dahil Siya ay hindi maarok—kaya nananampalataya sa Diyos ang tao. Kung nananampalataya ka sa Diyos dahil kaya Niyang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan at magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, mali ang pananaw mo, at sasabihin sa iyo ng ilang tao, “Hindi ba nagagawa rin ng masasamang espiritu ang gayong mga bagay?” Hindi ba’t napagpapalit nito ang wangis ng Diyos sa wangis ni Satanas? Ngayon, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay dahil sa Kanyang maraming gawa at sa napakaraming gawaing ginagawa Niya at sa maraming paraan ng Kanyang pagsasalita. Nilulupig ng Diyos ang tao at ginagawa itong perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Nananampalataya ang tao sa Diyos dahil sa Kanyang maraming gawa, hindi dahil sa nakakaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan; nakikilala lamang ng mga tao ang Diyos sa pagsaksi sa Kanyang mga gawa. Sa pag-alam lamang sa mga praktikal na gawa ng Diyos, kung paano Siya gumagawa, anong matatalinong pamamaraan ang ginagamit Niya, paano Siya nagsasalita, at paano Niya ginagawang perpekto ang tao—sa pag-alam lamang sa mga aspektong ito—kaya mong maintindihan ang pagiging praktikal ng Diyos at maunawaan ang Kanyang disposisyon, na nababatid kung ano ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, at paano Siya gumagawa sa tao. Sa pag-unawa sa kung ano ang gusto ng Diyos at kung ano ang kinasusuklaman Niya, maaari mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo, at sa pamamagitan ng iyong pagkakilala sa Diyos ay may pag-unlad sa buhay mo. Sa madaling salita, kailangang magtamo ka ng pagkakilala sa gawain ng Diyos, at kailangang ituwid mo ang iyong mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 145

Paano ka man maghangad, dapat mong maunawaan, higit sa lahat, ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon, at dapat mong malaman ang kabuluhan ng gawaing ito. Dapat mong maunawaan at malaman kung anong gawain ang dala-dala ng Diyos sa Kanyang pagparito sa mga huling araw, kung anong disposisyon ang hatid Niya, at kung ano mismo ang isasakatuparan Niya sa tao. Kung hindi mo alam o nauunawaan ang gawaing Kanyang pinarito upang gawin sa katawang-tao, paano mo maaarok ang Kanyang mga layunin, at paano ka magiging katapatang-loob Niya? Ang totoo, hindi komplikado ang maging katapatang-loob ng Diyos, pero hindi rin ito simple. Kung kaya ng mga tao na maunawaan ito nang lubusan at maisagawa ito, hindi na ito nagiging komplikado; kung hindi ito kayang maunawaan nang lubusan ng mga tao, lalo itong humihirap, at higit pa riyan, nanganganib silang mauwi sa paghahangad ng malalabo at mga abstraktong bagay. Kung sa paghahangad sa Diyos ay walang sariling posisyong paninindigan ang mga tao at hindi nila alam kung anong katotohanan ang dapat nilang panghawakan, nangangahulugan ito na wala silang saligan, kaya’t magiging mahirap para sa kanila ang manindigan. Sa kasalukuyan, napakaraming hindi nakauunawa sa katotohanan, hindi nakakikilala sa kaibhan ng mabuti at masama o nakapagsasabi kung ano ang iibigin o kamumuhian. Ang gayong mga tao ay nahihirapang makapanindigan. Susi sa pananampalataya sa Diyos ang kakayahang isagawa ang katotohanan, magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, malaman ang gawain ng Diyos sa tao kapag Siya ay pumaparito na nasa katawang-tao at ang mga prinsipyo Niya sa pagsasalita. Huwag kang sumunod sa masa. Dapat kang magkaroon ng mga prinsipyo hinggil sa kung ano ang nararapat mong pasukin, at dapat mong panghawakan ang mga ito. Mahigpit mong panghawakan ang mga bagay na nasa kalooban mo na nagmumula sa kaliwanagan ng Diyos—makatutulong ito sa iyo. Kung hindi, liliko ka sa isang direksyon ngayon, at bukas naman ay sa ibang direksyon, at kailanman ay wala kang makakamit na anumang praktikal. Ang pagiging ganito ay walang pakinabang sa iyong buhay. Iyong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng Banal na Espiritu, sinasabi mo rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, nag-aalinlangan ka na rin o sinasabi mo rin na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilatis mag-isa ng kahit ano, at hindi mo rin kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na walang pagkilatis—ang gayong tao ay walang silbi! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ay gawain ng Banal na Espiritu, ngunit marahil balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, at na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito makilatis, at kapag nakikita mo itong sinasabi ng iba ay inuulit mo ito. Ang totoo ay gawain ito ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi ba’t naging isa ka na sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t nilabanan mo ang Diyos dahil wala kang pagkilatis? Marahil, may isang hangal na susulpot balang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli ka na namang malilimitahan ng mga sinasabi ng iba. Tuwing may nanggugulo sa iyo, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang pananampalataya sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Hindi matatamo ang mga bagay na ito sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa mga sermon, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng alab ng damdamin lamang. Dapat dumaan ka sa mga karanasan, magtaglay ng kaalaman, at magkaroon ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at dapat mong makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makikilatis mo ang maraming bagay—magagawa mong makita ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katarungan at kabuktutan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong magawang makita ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong tayog.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakakaunawa sa Kanyang Gawain ang mga Nagpapalugod sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 146

Ang pagkakilala sa gawain ng Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Dapat ay mayroon kang mga pamantayan at layunin sa iyong paghahangad, dapat ay alam mo kung paano hanapin ang tunay na daan, kung paano suriin kung ito ba ang tunay na daan o hindi, at kung ito ba ang gawain ng Diyos o hindi. Ano ang pinakapundamental na prinsipyo sa paghahanap sa tunay na daan? Kailangan mong tingnan kung mayroon ba o wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa daang ito, kung ang mga salitang ito ay pagpapahayag ba o hindi ng katotohanan, kung sino ang pinatototohanan, at kung ano ang maidudulot nito sa iyo. Ang pag-alam ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na daan at ng mga huwad na daan ay nangangailangan ng ilang aspekto ng pundamental na kaalaman, at ang pinakapundamental dito ay ang pag-alam kung mayroon ba o wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang diwa ng pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang pananampalataya nila sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugang ang gayong pananampalataya ay pananampalataya pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, ngunit dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at ito ay ang Salita na naging tao, ang sinasampalatayaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos. Kaya’t sa pagkilala kung ito ba ay ang tunay na daan o hindi, higit sa lahat ay dapat mong tingnan kung taglay ba nito o hindi ang gawain ng Banal na Espiritu, at pagkatapos ay dapat mong tingnan kung mayroon ba o walang katotohanan sa daang ito. Ang katotohanan, gaya ng tawag dito, ay ang buhay disposisyon ng normal na pagkatao. Sa madaling salita, ito ang hinihingi sa tao noong lalangin siya ng Diyos sa pasimula, at ito ay ang normal na pagkatao sa kabuuan nito (kabilang na ang katwiran ng pagkatao, gayundin ang kabatiran, karunungan, at ang pundamental na kaalaman ng kung paano umasal). Ibig sabihin, kailangan mong tingnan kung madadala ba o hindi ng daang ito ang mga tao sa normal na buhay ng tao, kung ang katotohanan na ipinapahayag ay humihingi ba o hindi batay sa realidad ng normal na pagkatao, kung ang katotohanang ito ay makatotohanan at praktikal ba o hindi, at kung ito ay pinakanapapanahon ba o hindi. Kung may katotohanan, magagawa nitong akayin ang mga tao patungo sa normal at praktikal na mga karanasan; higit pa rito, lalong nagiging mas normal ang mga tao, lalong nagiging mas kompleto ang katwiran ng pagkatao na taglay nila, nagiging paayos nang paayos ang kanilang buhay sa laman at ang espirituwal na buhay, at lalong nagiging mas normal ang kanilang mga emosyon. Ito ang ikalawang prinsipyo. May isa pang prinsipyo, at iyon ay kung nadaragdagan ba o hindi ang pagkakilala ng tao sa Diyos, at kung ang pagdanas ng ganoong gawain at katotohanan ay may kakayahan ba o wala na pumukaw ng mapagmahal-sa-Diyos na puso sa loob nila at magpalapit sa kanila nang magpalapit sa Diyos. Sa ganito masusukat kung ito ba ang tunay na daan o hindi. Ang pinakapundamental ay kung ang daang ito ay makatotohanan ba imbes na higit sa natural, at kung ito ay nakapagtutustos ba sa buhay ng tao o hindi. Kung ito ay umaayon sa mga prinsipyong nabanggit, maaaring mabuo ang kongklusyon na ang daang ito ang tunay na daan. Sinasabi Ko ang mga ito hindi upang ipatanggap sa inyo ang ibang mga daan sa inyong mga karanasan sa hinaharap, o bilang hula na magkakaroon ng isa pang gawain ng bagong kapanahunan sa hinaharap. Sinasabi Ko ang mga ito upang matiyak ninyo na ang daan ng kasalukuyan ang tunay na daan, upang hindi kayo maniwala lang nang kalahati at palaging hindi kayang makita nang malinaw ang gawain ng kasalukuyan. Marami pa nga, na sa kabila ng pagiging tiyak, ay sumusunod pa rin nang naguguluhan; ang gayong katiyakan ay walang kaakibat na prinsipyo, at ang ganoong mga tao ay ititiwalag sa malao’t madali. Kahit iyong mga talagang masigasig sa kanilang pagsunod ay tatlong bahaging nakatitiyak at limang bahaging di-nakatitiyak, na nagpapakitang wala silang saligan. Dahil napakahina ng inyong kakayahan at napakababaw ng inyong saligan, wala kayong pagkaunawa sa mga usaping ito ng pagkilatis. Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya gumagawa ng gawaing hindi makatotohanan, hindi Siya humihingi nang labis-labis sa tao, at hindi Siya gumagawa ng gawaing higit sa katwiran ng tao. Ang lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay napapaloob sa saklaw ng normal na katwiran ng tao, at hindi lumalampas sa katwiran ng normal na pagkatao, at ang Kanyang gawain ay ginagawa nang naaayon sa mga normal na pangangailangan ng tao. Kung ito ay gawain ng Banal na Espiritu, ang mga tao ay lalong nagiging mas normal, at ang kanilang pagkatao ay lalong nagiging mas normal. Nagkakaroon ng parami nang paraming kaalaman ang mga tao tungkol sa kanilang satanikong tiwaling disposisyon, at sa diwa ng tao, at nagkakaroon din sila ng palaki nang palaking pananabik sa katotohanan. Ang ibig sabihin, patuloy na lumalago ang buhay ng tao, at sumasailalim sa parami nang paraming pagbabago ang tiwaling disposisyon ng tao—at lahat ng ito ay ang siyang kahulugan ng pagiging buhay ng tao ang Diyos. Kung ang isang daan ay walang kakayahang ilantad ang gayong mga bagay na siyang diwa ng tao, walang kakayahang baguhin ang disposisyon ng tao, at higit pa rito, ay walang kakayahang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos o bigyan sila ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at nagiging sanhi pa nga upang bumaba nang bumaba ang kanilang pagkatao at lalong maging hindi normal ang kanilang katwiran, ang daang ito, kung gayon, ay hindi ang tunay na daan, at maaaring ito ay gawain ng masamang espiritu, o ang lumang daan. Sa madaling salita, hindi maaaring ito ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu. Nanampalataya na kayo sa Diyos sa loob ng maraming taon na ito, ngunit wala kayong nahihiwatigan sa mga prinsipyo para sa pagkilala sa pagkakaiba ng tunay na daan at mga huwad na daan, o sa paghahanap sa tunay na daan. Karamihan pa nga ng mga tao ay hindi pinapansin ang ganitong mga bagay; pumupunta lamang sila kung saan pumupunta ang karamihan, at inuulit ang sinasabi ng nakararami. Paano magiging mga taong naghahanap sa tunay na daan ang mga ito? At paano masusumpungan ng ganoong mga tao ang tunay na daan? Kung malinaw mong nauunawaan ang ilang pangunahing prinsipyong ito, hindi ka maililihis anuman ang mangyari. Sa kasalukuyan, napakahalagang magkaroon ng kaunting pagkilatis ang mga tao; ito ang dapat na tinataglay ng normal na pagkatao, at ito ang dapat taglayin ng mga tao sa kanilang karanasan. Kung sumunod ang mga tao hanggang sa kasalukuyan, pero wala pa rin silang anumang pagkilatis, at hindi pa rin lumalago ang katwiran ng kanilang pagkatao, masyado silang naguguluhan kung gayon, at ang kanilang paghahangad ay mali at naglalaman ng mga paglihis. Naghangad ka hanggang ngayon pero wala ka ni katiting na pagkilatis, at bagama’t totoo, tulad ng iyong sinasabi, na natagpuan mo na ang tunay na daan, nakamit mo na ba iyon? Nagkaroon ka na ba ng anumang pagkilatis? Ano ang diwa ng tunay na daan? Sa tunay na daan, hindi mo nakamit ang tunay na daan; wala kang nakamit na anuman sa katotohanan. Ibig sabihin, hindi mo nakamit ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kaya’t wala pa ring pagbabago sa iyong katiwalian. Kung ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa ganitong paraan, sa huli ay tiyak na ititiwalag ka. Dahil nakasunod ka na hanggang sa araw na ito, dapat mong matiyak na ang natahak mo nang daan ay ang tamang daan, at hindi ka na dapat magkaroon ng mga pagdududa pa. Maraming tao ang laging nagdududa at humihinto sa paghahangad sa katotohanan dahil sa ilang maliliit na bagay. Ang gayong mga tao ay iyong walang kaalaman sa gawain ng Diyos; sila iyong mga sumusunod sa Diyos sa isang naguguluhang paraan. Ang mga tao na hindi nakakaalam sa gawain ng Diyos ay walang kakayahang maging mga katapatang-loob Niya, o magpatotoo sa Kanya. Pinapayuhan Ko ang mga naghahanap lamang ng mga pagpapala at ng malabo at abstrakto na hangarin ang katotohanan sa lalong madaling panahon, upang ang kanilang buhay ay magkaroon ng kabuluhan. Huwag na ninyong lokohin pa ang inyong sarili!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakakaunawa sa Kanyang Gawain ang mga Nagpapalugod sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 147

Ang kabuuan ng gawaing isinagawa sa loob ng anim na libong taon ay unti-unti nang nagbago habang nagdaraan ang iba’t ibang panahon. Ang mga pagbabago sa gawaing ito ay naging batay sa kabuuang sitwasyon ng mundo at sa mga kalakaran sa pag-unlad ng sangkatauhan sa kabuuan; ang gawain ng pamamahala ay unti-unti lamang nagbago alinsunod dito. Hindi ito nakaplanong lahat mula sa simula ng paglikha. Bago nilikha ang mundo, o hindi nagtagal matapos itong likhain, hindi pa naiplano ni Jehova ang unang yugto ng gawain, ang gawain ng kautusan; ang pangalawang yugto ng gawain, ang gawain ng biyaya; o ang pangatlong yugto ng gawain, ang gawain ng panlulupig, kung saan magsisimula muna Siya sa ilan sa mga inapo ni Moab, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Niya ang buong sansinukob. Matapos likhain ang mundo, hindi Niya sinambit kailanman ang mga salitang ito, ni hindi Niya sinambit ang mga ito pagkatapos ng panahon ni Moab, lalong hindi Niya binigkas ang mga ito bago kay Lot. Lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa habang nagpapatuloy Siya. Ganito mismo umusad ang Kanyang buong anim na libong taong gawain ng pamamahala; hindi Niya isinulat ang gayong plano sa anumang paraan, bago nilikha ang mundo, sa hitsura ng isang bagay na katulad ng “Tsart ng Buod para sa Pag-unlad ng Sangkatauhan.” Sa gawain ng Diyos, tuwiran Niyang ipinapahayag kung ano Siya; hindi Niya pinipiga ang utak Niya para makabuo ng isang plano. Mangyari pa, maraming propetang nagpahayag ng napakaraming propesiya, ngunit hindi pa rin masasabi na ang gawain ng Diyos ay laging may tumpak na pagpaplano; ang mga propesiyang iyon ay ginawa ayon sa gawain ng Diyos noon. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay ang pinakamakatotohanang gawain. Isinasagawa Niya iyon alinsunod sa pag-unlad ng mga panahon, at ibinabatay iyon sa kung paano nagbabago ang mga bagay-bagay. Para sa Kanya, ang pagsasagawa ng gawain ay tulad ng pagrereseta ng tamang gamot para sa isang karamdaman; habang ginagawa ang Kanyang gawain, nagmamasid Siya, at ipinagpapatuloy Niya ang Kanyang gawain ayon sa Kanyang mga namasdan. Sa bawat yugto ng Kanyang gawain, may kakayahan ang Diyos na ipahayag ang Kanyang sapat na karunungan at kapangyarihan; ibinubunyag Niya ang Kanyang saganang karunungan at awtoridad ayon sa gawain ng anumang partikular na kapanahunan, at tinutulutan ang lahat ng taong iyon na Kanyang ibinalik sa kapanahunang iyon na makita ang Kanyang buong disposisyon. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao alinsunod sa gawaing kailangang gawin sa bawat kapanahunan, ginagawa ang anumang gawaing dapat Niyang gawin. Tinutustusan Niya ang mga pangangailangan ng mga tao batay sa antas na nagawa silang tiwali ni Satanas. Katulad ito ng kung paanong, noong unang likhain ni Jehova sina Adan at Eba, ginawa Niya iyon upang maipamalas nila ang Diyos sa ibabaw ng lupa at upang makapagpatotoo sila sa Diyos sa gitna ng Kanyang mga likha. Gayunman, nagkasala si Eba matapos tuksuhin ng ahas, at gayundin ang ginawa ni Adan; pareho nilang kinain ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama sa hardin. Sa gayon, nagkaroon ng karagdagang gawain si Jehova na isasagawa sa kanila. Nang makita ang kanilang kahubaran, tinakpan Niya ang kanilang katawan ng damit na yari sa mga balat ng hayop. Pagkatapos nito, sinabi Niya kay Adan, “Sapagkat iyong dininig ang tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punongkahoy na Aking iniutos sa iyo na sinabi, Huwag kang kakain niyaon: sumpain ang lupa dahil sa iyo … hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha: sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.” Sinabi Niya sa babae, “Pararamihin Kong lubha ang iyong pighati at ang iyong paglilihi; manganganak kang may kahirapan; at ang iyong pagnanais ay magiging sa iyong asawa, at siya ang mamamahala sa iyo.” Mula noon, pinalayas Niya sila mula sa Hardin ng Eden at idinulot na mamuhay sila sa labas nito tulad ng pamumuhay ngayon ng mga tao sa lupa. Nang likhain ng Diyos ang tao sa pinakasimula, wala Siyang planong hayaan ang tao na tuksuhin ng ahas matapos siyang likhain at pagkatapos ay isumpa ang tao at ang ahas. Wala talaga Siyang ganitong plano; ganoon lamang talaga umusad ang mga bagay na nagbigay sa Kanya ng bagong gawaing gagawin sa gitna ng Kanyang mga likha. Matapos maisagawa ni Jehova ang gawaing ito kina Adan at Eba sa ibabaw ng lupa, patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa loob ng ilang libong taon, hanggang sa “nakita ni Jehova na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pag-iisip ng kanilang puso ay pawang masama lamang na parati. At nagsisi si Jehova na Kanyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa Kanyang puso. … Datapuwat si Noe ay nakasumpong ng biyaya sa mga mata ni Jehova.” Sa panahong ito nagkaroon ng mas maraming bagong gawaing gagawin si Jehova, sapagkat ang sangkatauhan na Kanyang nilikha ay naging masyadong makasalanan matapos tuksuhin ng ahas. Dahil sa sitwasyong ito, sa buong sangkatauhan, piniling sagipin ni Jehova ang pamilya ni Noe, at pagkatapos ay isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng isang baha. Patuloy na umunlad ang sangkatauhan sa ganitong paraan hanggang sa araw na ito mismo, na lalong nagiging tiwali, at pagdating ng panahon na makarating ang pag-unlad ng tao sa rurok nito, mangangahulugan ito ng katapusan ng sangkatauhan. Mula sa pinakasimula hanggang sa katapusan ng mundo, ganito na at palaging magiging ganito ang totoong kuwento ng Kanyang gawain. Kapareho ito ng kung paano ibubukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri; hindi talaga totoo na bawat klaseng tao ay paunang inorden sa simula pa lang na mabilang sa isang partikular na kategorya; sa halip, unti-unting ikinakategorya ang sangkatauhan pagkatapos lang na sumailalim sa isang proseso ng pag-unlad. Sa katapusan, ang sinumang hindi ganap na maliligtas ay ibabalik sa kanilang “mga ninuno.” Walang isa man sa gawain ng Diyos sa sangkatauhan ang naihanda na nang likhain ang mundo; sa halip, ang pag-unlad ng mga bagay-bagay ang nagtulot sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa sangkatauhan sa paisa-isang hakbang at sa mas makatotohanan at praktikal na paraan. Halimbawa, hindi nilikha ng Diyos na si Jehova ang ahas upang tuksuhin ang babae; hindi iyon ang partikular Niyang plano, ni hindi iyon isang bagay na sadya Niyang paunang inorden. Masasabi ng isang tao na isang pangyayari ito na hindi inaasahan. Sa gayon, ito ang dahilan kaya pinalayas ni Jehova sina Adan at Eba mula sa Hardin ng Eden at sumumpa Siya na hindi na Siya muling lilikha ng tao kailanman. Gayunman, natutuklasan lamang ng mga tao ang karunungan ng Diyos batay sa pundasyong ito. Katulad lamang ito ng sinabi Ko kanina: “Ginagamit Ko ang Aking karunungan batay sa mga pakana ni Satanas.” Paano man maging tiwali ang sangkatauhan o paano man sila matukso ng ahas, taglay pa rin ni Jehova ang Kanyang karunungan; kaya, mula nang likhain Niya ang mundo, gumagawa na Siya ng bagong gawain, at wala sa mga hakbang ng gawaing ito ang naulit kailanman. Patuloy na isinasagawa ni Satanas ang kanyang mga pakana, walang tigil na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at walang tigil na isinasagawa ng Diyos na si Jehova ang Kanyang matalinong gawain. Hindi Siya nabigo kailanman, ni hindi Siya tumigil sa paggawa kailanman, mula nang likhain ang mundo. Matapos magawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, patuloy Siyang gumagawa sa gitna nila upang talunin ito, ang kaaway na nagtiwali sa sangkatauhan. Ang labanang ito ay nag-alab na sa simula pa lamang, at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng mundo. Sa paggawa ng napakaraming gawain, hindi lamang tinulutan ng Diyos na si Jehova ang mga tao, na nagawang tiwali ni Satanas, na matanggap ang Kanyang dakilang pagliligtas, kundi tinulutan din silang makita ang Kanyang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at awtoridad. Higit pa rito, sa huli, hahayaan Niyang makita nila ang Kanyang matuwid na disposisyon—ang pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti. Nilabanan na Niya si Satanas hanggang sa araw na ito at hindi Siya natalo kailanman. Ito ay dahil Siya ay isang matalinong Diyos, at ginagamit Niya ang Kanyang karunungan batay sa mga pakana ni Satanas. Samakatwid, hindi lamang ginagawa ng Diyos na magpasakop ang lahat ng nasa langit sa Kanyang awtoridad, kundi idinudulot din Niya na manahan ang lahat ng nasa ibabaw ng lupa sa ilalim ng Kanyang bangkilyo. Bukod dito, idinudulot Niya na mahulog ang masasamang sumasalakay at gumagambala sa sangkatauhan sa loob ng Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng resulta ng gawaing ito ay nakakamtan dahil sa Kanyang karunungan. Hindi Niya naibunyag kailanman ang Kanyang karunungan bago umiral ang sangkatauhan, sapagkat wala Siyang mga kaaway sa langit, sa ibabaw ng lupa, o saanman sa buong sansinukob, at sa gitna ng lahat ng bagay, walang paglusob ng mga puwersa ng kadiliman. Matapos Siyang ipagkanulo ng arkanghel, nilikha Niya ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa, at dahil sa sangkatauhan kaya Niya pormal na sinimulan ang Kanyang libo-libong-taong pakikidigma kay Satanas, ang arkanghel—isang digmaang lalong umiigting sa bawat sumunod na yugto. Naroon ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan sa bawat isa sa mga yugtong ito. Saka lamang nasaksihan ng lahat ng nasa langit at nasa ibabaw ng lupa ang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at, higit pa rito, ang pagiging praktikal ng Diyos. Isinasagawa pa rin Niya ang gawain sa ganito ring praktikal na paraan hanggang sa araw na ito; dagdag pa rito, habang isinasagawa Niya ang Kanyang gawain, ibinubunyag din Niya ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Tinutulutan Niya kayong makita ang totoong kuwento ng bawat yugto ng gawain, makita kung paano talaga ipaliwanag ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at higit sa lahat, makita ang isang tiyak na paliwanag tungkol sa pagiging praktikal ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 148

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay palaging ginagawa habang nagpapatuloy Siya; maipaplano Niya ang Kanyang gawain anumang oras, at maisasagawa ito anumang oras. Bakit Ko ba palaging sinasabi na ang gawain ng Banal na Espiritu ay makatotohanan, at na ito ay palaging bago, hindi kailanman luma, at palaging lubos na sariwa? Ang Kanyang gawain ay hindi pa naiplano bago nilikha ang mundo; hindi talaga ganoon ang nangyari! Bawat hakbang ng gawain ay natatamo ang tamang epekto nito para sa nauukol na panahon, at ang mga hakbang ay hindi nakakagambala sa isa’t isa. Sa maraming pagkakataon, ang mga planong maaaring nasa isip mo ay sadyang hindi makakasabay sa pinakabagong gawain ng Banal na Espiritu. Ang Kanyang gawain ay hindi kasing-simple ng ikinakatwiran ng tao, ni hindi ito kasingkomplikado ng iniisip ng tao—ito ay binubuo ng pagtustos sa mga tao anumang oras at saanmang lugar alinsunod sa kanilang mga pangangailangan ng panahong iyon. Walang sinumang mas nalilinawan tungkol sa diwa ng mga tao kaysa sa Kanya, at dahil mismo rito kaya walang umaangkop sa makatotohanang mga pangangailangan ng mga tao na katulad ng Kanyang gawain. Samakatwid, mula sa pananaw ng isang tao, tila napagplanuhan ang Kanyang gawain nang maaga nang ilang libong taon. Habang Siya ay gumagawa sa gitna ninyo ngayon, gumagawa Siya ng gawain at nagsasalita anumang oras at kahit saan ayon sa mga kalagayan ninyo. Mayroon Siyang tamang mga salitang sasabihin kapag nakatagpo ng mga kalagayang ito, na sumasambit ng mga salitang kailangan mismo ng mga tao. Gamiting halimbawa ang unang hakbang ng Kanyang gawain: ang panahon ng pagkastigo. Pagkatapos niyan, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa kung ano ang ipinamalas ng mga tao, ang kanilang paghihimagsik, ang mga positibong kalagayan na lumitaw mula sa kanila at ang mga negatibong kalagayan, gayundin kung gaano sila nagiging negatibo kapag umabot sa isang partikular na punto ang kanilang pagkanegatibo; at sinunggaban at ginamit Niya ang mga bagay na ito upang magkamit ng mas magandang resulta sa Kanyang gawain. Ibig sabihin, ginagawa Niya ang gawain ng pagtutustos sa mga tao, batay sa anumang kasalukuyan nilang kalagayan sa anumang oras; isinasagawa Niya ang bawat hakbang ng Kanyang gawain ayon sa aktuwal na mga kalagayan ng mga tao. Lahat ng nilikha ay nasa Kanyang mga kamay; paanong hindi Niya sila kilala? Isinasagawa ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain na dapat gawin, anumang oras at saanmang lugar, alinsunod sa mga kalagayan ng mga tao. Hindi paunang itinadhana ang gawaing ito mula pa noong unang panahon; iyan ay isang kuru-kuro ng tao! Gumagawa Siya habang inoobserbahan ang mga epekto ng Kanyang gawain, at patuloy na lumalalim at umuunlad ang Kanyang gawain; matapos obserbahan ang mga resulta ng Kanyang gawain, ipinatutupad Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Gumagamit Siya ng maraming bagay upang unti-unting lumipat at ibunyag sa mga tao ang Kanyang bagong gawain sa paglipas ng panahon. Ang ganitong paraan ng paggawa ay kayang magtustos sa mga pangangailangan ng mga tao, sapagkat kilalang-kilala ng Diyos ang mga tao. Ganito Niya isinasagawa ang Kanyang gawain mula sa langit. Gayundin, ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain sa parehong paraan, na gumagawa ng mga pagsasaayos at gumagawa sa gitna ng mga tao ayon sa aktuwal na mga sitwasyon. Walang isa man sa Kanyang mga gawain ang naisaayos bago nilikha ang mundo, ni masusing naiplano nang maaga. Dalawang libong taon matapos likhain ang mundo, nakita ni Jehova ang antas ng pagiging tiwali ng sangkatauhan, kaya ginamit Niya ang bibig ng propetang si Isaias upang ipropesiya na, pagkaraang matapos ang Kapanahunan ng Kautusan, isasagawa ni Jehova ang Kanyang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ito ang plano ni Jehova, mangyari pa, ngunit ang planong ito ay ginawa rin ayon sa mga sitwasyong namamasdan Niya noon; hindi Niya ito inisip kaagad matapos likhain si Adan. Nagpropesiya lamang si Isaias, ngunit hindi gumawa ng maagang mga paghahanda si Jehova para sa gawaing ito noong Kapanahunan ng Kautusan; sa halip, pinasimulan Niya ito sa simula ng Kapanahunan ng Biyaya, nang magpakita ang sugo sa panaginip ni Jose na may dalang paghahayag na ang Diyos ay magiging tao, at saka lamang nagsimula ang Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi naghanda ang Diyos, na tulad ng akala ng mga tao, para sa Kanyang gawain ng pagkakatawang-tao matapos agad likhain ang mundo; napagpasyahan lamang iyon batay sa antas ng pag-unlad ng sangkatauhan at sa kalagayan ng Kanyang pakikibaka kay Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 149

Kapag nagiging tao ang Diyos, bumababa ang Kanyang Espiritu sa isang tao; sa madaling salita, binibihisan ng Espiritu ng Diyos ng pisikal na katawan ang Kanyang sarili. Pumaparito Siya upang gawin ang Kanyang gawain sa ibabaw ng lupa hindi upang magdala Siya ng ilang limitadong hakbang; ang Kanyang gawain ay talagang hindi limitado. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa katawang-tao ay pinagpapasyahan pa rin batay sa mga resulta ng Kanyang gawain, at ginagamit Niya ang gayong mga bagay upang pagdesisyunan ang haba ng panahon kung kailan gagawin Niya ang gawain habang nasa katawang-tao. Direktang ipinapamalas ng Banal na Espiritu ang bawat hakbang ng Kanyang gawain, na sinusuri ang Kanyang gawain habang Siya ay nagpapatuloy; ang gawaing ito ay hindi lubhang higit-sa-karaniwan para lumampas sa mga hangganan ng imahinasyon ng tao. Katulad ito ng gawain ni Jehova sa paglikha ng langit at lupa at lahat ng bagay; nagplano Siya at gumawa nang sabay. Inihiwalay Niya ang liwanag mula sa kadiliman, at nagkaroon ng umaga at gabi—inabot ito ng isang araw. Sa ikalawang araw, nilikha Niya ang langit, at inabot din iyan ng isang araw; pagkatapos ay nilikha Niya ang lupa, ang karagatan, at lahat ng nilalang na naninirahan doon, na kinailangan ng isa pang araw. Nagpatuloy ito hanggang sa ikaanim na araw, nang likhain ng Diyos ang tao at hinayaan siyang pamahalaan ang lahat ng bagay sa lupa. Pagkatapos, sa ikapitong araw, matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, Siya ay nagpahinga. Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at itinalaga ito bilang isang banal na araw. Nagpasya lamang Siyang italaga ang banal na araw na ito matapos Niyang likhain ang lahat ng bagay, hindi bago nilikha ang mga ito. Ang gawaing ito ay isinagawa rin habang nagpapatuloy Siya; bago nilikha ang lahat ng bagay, hindi pa Siya nakapagpasyang likhain ang mundo sa loob ng anim na araw at pagkatapos ay magpahinga sa ikapito; hindi man lamang ganoon ang totoong nangyari. Wala Siyang sinabing ganoon, ni hindi iyon ang Kanyang plano. Hindi Niya sinabi sa anumang paraan na ang paglikha ng lahat ng bagay ay matatapos sa ikaanim na araw at na Siya ay magpapahinga sa ikapito; sa halip, lumikha Siya ayon sa kung ano ang mabuti sa tingin Niya noon. Nang matapos Niyang likhain ang lahat, ikaanim na araw na. Kung natapos Niyang likhain ang lahat sa ikalimang araw, itatalaga Niyang banal na araw ang ikaanim na araw. Gayunman, talagang natapos Niyang likhain ang lahat sa ikaanim na araw, at sa gayon ay naging banal na araw ang ikapitong araw, na naipasa hanggang sa araw na ito mismo. Samakatwid, isinasagawa ang Kanyang kasalukuyang gawain sa ganito ring paraan. Nagsasalita Siya alinsunod sa inyong mga kalagayan para matustusan ang inyong mga pangangailangan. Ibig sabihin, nagsasalita at gumagawa ang Espiritu ayon sa mga kalagayan ng mga tao; sinisiyasat Niya ang lahat at gumagawa Siya anumang oras at saanmang lugar. Iyong Aking ginagawa, sinasabi, inilalagak sa inyo, at ipinagkakaloob sa inyo, nang walang eksepsyon, ay iyong inyong kailangan. Sa gayon, walang isa man sa Aking gawain ang hiwalay sa realidad; praktikal ang lahat ng ito, sapagkat alam ninyong lahat na “sinisiyasat ng Espiritu ng Diyos ang lahat.” Kung napagpasyahan na ang lahat ng ito nang maaga, hindi kaya ito masyadong mahigpit na nakatakda? Iniisip mo na gumawa ng mga plano ang Diyos sa loob ng buong anim na libong taon at paunang inorden na ang sangkatauhan ay maging mapaghimagsik, lumalaban, baliko at mapanlinlang, at magtaglay ng katiwalian ng laman, isang satanikong disposisyon, ng pagnanasa ng mga mata, at ng indibiduwal na mga pagpapasasa. Walang isa man dito ang paunang inorden ng Diyos, kundi sa halip ay nangyaring lahat iyon dahil sa pagtitiwali ni Satanas. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ba hawak din ng Diyos si Satanas? Paunang inorden ng Diyos na gagawing tiwali ni Satanas ang tao sa ganitong paraan, at pagkatapos niyon, isinagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao.” Pauna nga ba talagang ioorden ng Diyos na gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? Sabik na sabik ang Diyos na tulutan ang sangkatauhan na mabuhay nang normal, kaya guguluhin ba Niya ang buhay nila? Kung gayon, hindi ba magiging walang saysay ang pagsisikap na talunin si Satanas at iligtas ang sangkatauhan? Paanong paunang inorden ang paghihimagsik ng sangkatauhan? Isang bagay ito na nangyari dahil sa panggugulo ni Satanas, kaya paanong paunang inorden ito ng Diyos? Ang Satanas na hawak ng Diyos na inaakala ninyo ay ibang-iba sa Satanas na hawak ng Diyos na binabanggit Ko. Ayon sa inyong mga pahayag na “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay,” hindi Siya kailanman maaaring ipagkanulo ni Satanas. Hindi ba sabi mo, ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat? Masyadong abstrakto ang inyong kaalaman, at malayo sa realidad; hindi kailanman maaarok ng tao ang mga kaisipan ng Diyos o ang Kanyang karunungan! Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat; hindi talaga ito isang kasinungalingan. Ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos dahil sa simula ay binigyan ito ng Diyos ng isang bahagi ng awtoridad. Siyempre, hindi inaasahan ang pangyayaring ito, tulad noong mahulog si Eba sa tukso ng ahas. Gayunman, paano man isagawa ni Satanas ang pagkakanulo nito, hindi pa rin ito makapangyarihan sa lahat na katulad ng Diyos. Tulad ng nasabi ninyo, malakas lamang si Satanas; anuman ang gawin nito, lagi itong matatalo ng awtoridad ng Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng kasabihang: “Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat, at si Satanas ay nasa Kanyang mga kamay.” Samakatwid, ang pakikidigma kay Satanas ay kailangang isagawa sa paisa-isang hakbang. Bukod pa riyan, ipinaplano ng Diyos ang Kanyang gawain bilang sagot sa mga pakana ni Satanas—ibig sabihin, naghahatid Siya ng kaligtasan sa sangkatauhan at ibinubunyag Niya ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan sa isang paraan na akma sa kapanahunan. Gayundin, ang gawain sa mga huling araw ay hindi paunang inorden noon pa man, bago ang Kapanahunan ng Biyaya; ang mga bagay-bagay ay hindi paunang inorden sa gayon kaayos na paraang tulad nito: una, pinagbabago ang panlabas na disposisyon ng tao; pangalawa, isinasailalim ang tao sa Kanyang pagkastigo at mga pagsubok; pangatlo, pinagdaranas ang tao ng pagsubok na kamatayan; pang-apat, ipinararanas sa tao ang panahon ng pagmamahal sa Diyos at idinudulot na ang tao ay magpahayag ng determinasyon ng isang nilikha; panglima, tinutulutan ang tao na makita ang mga layunin ng Diyos at lubusan Siyang makilala, at sa wakas ay ginagawang ganap ang tao. Hindi Niya ipinlano ang lahat ng bagay na ito noong Kapanahunan ng Biyaya; sa halip, sinimulan Niyang planuhin ang mga ito sa kasalukuyang panahon. Gumagawa si Satanas, gayundin ang Diyos. Ipinapahayag ni Satanas ang tiwaling disposisyon nito, samantalang tuwirang nagsasalita ang Diyos at gumagawa ng mga pagbigkas, inilalantad ang ilang esensiyal na bagay. Ito ang gawaing ginagawa ngayon, at mayroong parehong prinsipyo sa paggawa na ginamit noong araw, matapos likhain ang mundo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 150

Una ay nilikha ng Diyos sina Adan at Eba, at lumikha rin Siya ng ahas. Sa lahat ng bagay, ang ahas ang pinakamakamandag; ang katawan nito ay may lason, na ginamit ni Satanas upang samantalahin ito. Ang ahas ang nanukso kay Eba na magkasala. Nagkasala si Adan pagkatapos ni Eba, at pagkatapos ay nagawa nilang dalawa na makatukoy sa pagitan ng mabuti at masama. Kung alam ni Jehova na tutuksuhin ng ahas si Eba at na tutuksuhin ni Eba si Adan, bakit Niya sila inilagay lahat sa loob ng isang hardin? Kung nagawa Niyang hulaan ang mga bagay na ito, bakit Niya nilikha ang ahas at inilagay ito sa loob ng Hardin ng Eden? Bakit nasa Hardin ng Eden ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama? Layon ba Niyang kainin nila ang bunga? Nang dumating si Jehova, hindi nangahas si Adan ni si Eba na harapin Siya, at noon lamang nalaman ni Jehova na kinain na nila ang bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama at nabiktima sila ng panlilinlang ng ahas. Sa huli, isinumpa Niya ang ahas, at isinumpa rin Niya sina Adan at Eba. Nang kainin nilang dalawa ang bunga ng puno, hindi talaga alam ni Jehova na ginagawa nila iyon noon. Naging tiwali ang sangkatauhan hanggang sa maging buktot sila at malaswa, hanggang sa lahat ng kinimkim nila sa kanilang puso ay masama at hindi matuwid; lahat ng iyon ay marumi. Sa gayon ay pinagsisihan ni Jehova ang paglikha sa sangkatauhan. Pagkatapos niyon, isinagawa Niya ang Kanyang gawaing wasakin ang mundo sa pamamagitan ng baha, na naligtasan ni Noe at ng kanyang mga anak. Ang ilang bagay ay hindi talaga kasing-abante at higit-sa-karaniwan na tulad ng maaaring isipin ng mga tao. Nagtatanong ang ilan: “Yamang alam ng Diyos na ipagkakanulo Siya ng arkanghel, bakit Niya ito nilikha?” Narito ang mga tunay na nangyari: Bago umiral ang mundo, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan sa lahat ng anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay rito ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, sa lupa naman ay nagsagawa ng mas malaki pang pagkakanulo ang arkanghel laban sa Diyos. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at lampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba na magkasala, at ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at na ipagkanulo ng sangkatauhan ang Diyos at sa halip ay sundin nila ang arkanghel. Nakita ng arkanghel na maaari itong sundin ng napakaraming bagay—magagawa iyon ng mga anghel, gayundin ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, kagubatan, kabundukan, mga ilog, ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay nasa pangangalaga ng mga tao—ibig sabihin, nina Adan at Eba—samantalang sinunod nina Adan at Eba ang arkanghel. Sa gayon ay hinangad ng arkanghel na lampasan ang awtoridad ng Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Pagkatapos niyon, pinamunuan nito ang maraming anghel na ipagkanulo ang Diyos, na kalaunan ay naging iba’t ibang uri ng maruruming espiritu. Hindi ba’t ang pagtitiwali ng arkanghel ang sanhi ng nangyari sa sangkatauhan hanggang sa araw na ito? Naging ganito lamang ang sangkatauhan ngayon dahil ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan. Ang paisa-isang hakbang na gawaing ito ay hindi abstrakto at simple na katulad ng maaaring isipin ng tao. Isinagawa ni Satanas ang pagkakanulo nito sa isang dahilan, subalit hindi naintindihan ng mga tao ang gayon kasimpleng bagay. Bakit ang Diyos, na lumikha ng langit at lupa at lahat ng bagay, ay nilikha rin si Satanas? Yamang labis na kinamumuhian ng Diyos si Satanas, at si Satanas ay Kanyang kaaway, bakit Niya nilikha si Satanas? Sa paglikha kay Satanas, hindi ba Siya lumikha ng isang kaaway? Hindi talaga lumikha ng isang kaaway ang Diyos; sa halip, lumikha Siya ng isang anghel, at kalaunan ay ipinagkanulo Siya ng anghel na iyon. Tumaas nang husto ang katayuan nito na ninais nitong ipagkanulo ang Diyos. Masasabi na nagkataon lamang ito, ngunit hindi rin ito maiiwasan. Kapareho ito ng kung paanong hindi maiiwasang mamatay ang isang tao pagdating sa takdang gulang; umabot lamang talaga ang mga bagay sa yugtong ito. Sinasabi pa ng ilang balighong hangal, “Yamang kaaway Mo si Satanas, bakit Mo ito nilikha? Hindi Mo ba alam na ipagkakanulo Ka ng arkanghel? Hindi ba’t tumititig Ka mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan? Hindi Mo ba alam ang kalikasan ng arkanghel? Yamang malinaw Mong alam na ipagkakanulo Ka nito, bakit Mo ito ginawang arkanghel? Hindi Ka lamang nito ipinagkanulo, isinama rin nito ang napakaraming iba pang anghel at bumaba sa mundo ng mga mortal upang gawing tiwali ang sangkatauhan, at hanggang sa araw na ito, hindi Mo pa rin natatapos ang Iyong anim na libong taong plano ng pamamahala.” Tama ba ang mga salitang iyon? Kapag ganito ang iniisip mo, hindi ba’t nag-aaksaya ka ng lakas pangkaisipan? May iba pang nagsasabing, “Kung hindi ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan hanggang sa araw na ito, hindi sana iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan nang ganito. Sa gayon, hindi sana nakita ang karunungan at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos; saan sana naibunyag ang Kanyang karunungan? Para kay Satanas kaya lumikha ang Diyos ng isang sangkatauhan upang maibunyag kalaunan ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat—kung hindi, paano matutuklasan ng tao ang karunungan ng Diyos? Kung hindi nilabanan ng tao ang Diyos o naghimagsik laban sa Kanya, hindi kinakailangang mabunyag ang Kanyang mga gawa. Kung sasamba at susunod sa Kanya ang lahat ng nilikha, wala sana Siyang gawaing gagawin.” Mas malayo pa ito sa realidad, sapagkat walang marumi tungkol sa Diyos, at kaya hindi Siya maaaring lumikha ng dumi. Ibinubunyag Niya ang Kanyang mga gawa ngayon para lamang matalo ang Kanyang kaaway, iligtas ang mga taong Kanyang nilikha, at talunin ang mga demonyo at si Satanas, na kinamumuhian, ipinagkakanulo, at nilalabanan ang Diyos, at nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan at pag-aari Niya sa simula pa lamang. Nais ng Diyos na talunin ang mga demonyong ito at, sa paggawa nito, ibunyag ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat sa lahat ng bagay. Ang sangkatauhan at lahat ng nasa lupa ay nasa ilalim ngayon ng kapangyarihan ni Satanas at nasa ilalim ng kapangyarihan ng masasama. Nais ng Diyos na ibunyag ang Kanyang mga gawa sa lahat ng bagay upang makilala Siya ng mga tao, at sa gayon ay matalo si Satanas at lubos na magapi ang Kanyang mga kaaway. Ang kabuuan ng gawaing ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagbubunyag ng Kanyang mga gawa. Lahat ng Kanyang likha ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, kaya nais ng Diyos na ibunyag sa kanila ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, sa gayon ay matalo si Satanas. Kung walang Satanas, hindi Niya kakailanganing ibunyag ang Kanyang mga gawa. Kung hindi dahil sa panggugulo ni Satanas, pagkatapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, inakay Niya sana sila na manirahan sa Hardin ng Eden. Bakit, bago ang pagkakanulo ni Satanas, hindi kailanman ibinunyag ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga gawa sa mga anghel o sa arkanghel? Kung, sa simula, nakilala ng lahat ng anghel at ng arkanghel ang Diyos at nagpasakop sa Kanya, hindi sana isinagawa ng Diyos ang mga walang-kabuluhang kilos na iyon ng gawain. Dahil mayroong Satanas at mga demonyo, at dahil nilabanan ng mga tao ang Diyos at punung-puno ng mga mapaghimagsik na disposisyon, ibubunyag ng Diyos kung gayon ang Kanyang mga gawa. Dahil makikipaglaban Siya kay Satanas, kailangan Niyang gamitin ang Kanyang sariling awtoridad at lahat ng Kanyang gawa upang talunin ito; sa ganitong paraan, ang gawain ng pagliligtas na Kanyang isinasagawa sa gitna ng mga tao ay tutulutan silang makita ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon ay makabuluhan, at sa anumang paraan ay hindi katulad ng tinutukoy ng ilang tao kapag sinasabi nilang, “Hindi ba salungat ang gawaing ginagawa Mo? Hindi ba ang sunod-sunod na gawaing ito ay pagsasagawa lamang sa panggugulo sa Iyong Sarili? Nilikha Mo si Satanas, at pagkatapos ay hinayaan Mo itong ipagkanulo at labanan Ka. Nilikha Mo ang mga tao, at ipinasa sila kay Satanas, at tinulutan Mong matukso sina Adan at Eba. Yamang sinadya Mong gawin ang lahat ng ito, bakit kinamumuhian Mo pa rin ang sangkatauhan? Bakit kinamumuhian Mo si Satanas? Hindi ba Ikaw ang may kagagawan ng lahat ng ito? Ano pa ang kamumuhian Mo?” Maraming kakatwang taong nagsasabi ng gayong mga bagay. Nais nilang mahalin ang Diyos, ngunit sa kanilang puso ay nagrereklamo sila tungkol sa Diyos. Napakalaking kontradiksyon! Hindi mo nauunawaan ang mga katunayan, napakarami mong ideyang higit-sa-karaniwan, at sinasabi mo pa na nagkamali ang Diyos—kakatwa ka talaga! Ikaw ang nagbabaluktot sa mga katunayan; hindi nagkamali ang Diyos! Paulit-ulit na inirereklamo ng ilang tao, “Ikaw ang lumikha kay Satanas, at inihagis Mo si Satanas sa mga tao at ipinasa rito ang sangkatauhan. Nang magtaglay ang mga tao ng mga satanikong disposisyon, hindi Mo sila pinatawad; bagkus, kinamuhian Mo sila hanggang sa isang partikular na antas. Sa simula ay minahal Mo sila hanggang sa isang partikular na antas, ngunit ngayon ay kinamumuhian Mo na sila. Ikaw ang namuhi sa sangkatauhan, subalit Ikaw rin ang nagmahal sa sangkatauhan. Ano ba talaga ang nangyayari dito? Hindi ba magkasalungat ito?” Paano man ninyo ito tingnan, ito ang nangyari sa langit; ganito ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan, at ganito nagpapatuloy ang mga tao hanggang sa araw na ito. Paano man ninyo ito sabihin, iyan ang buong salaysay. Gayunman, kailangan ninyong maunawaan na ang buong layunin sa likod ng gawaing ito na ginagawa ng Diyos ngayon ay upang iligtas kayo at talunin si Satanas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 151

Ginagamit ng Diyos ang Kanyang pamamahala sa mga tao upang talunin si Satanas. Sa pagtitiwali sa mga tao, tinatapos ni Satanas ang kanilang kapalaran at ginugulo ang gawain ng Diyos. Sa kabilang dako, ang gawain ng Diyos ay ang pagliligtas sa sangkatauhan. Aling hakbang ng gawain ng Diyos ang hindi para iligtas ang sangkatauhan? Aling hakbang ang hindi para linisin ang mga tao, at idulot na kumilos sila nang matuwid at magsabuhay ng isang kaibig-ibig na imahe? Gayunman, hindi ito ginagawa ni Satanas. Ginagawa nitong tiwali ang sangkatauhan; patuloy nitong isinasagawa ang gawain nitong gawing tiwali ang sangkatauhan sa loob ng sansinukob. Siyempre pa, ginagawa rin ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at hindi pinapansin si Satanas. Gaano man kalaki ang awtoridad ni Satanas, ang awtoridad na iyon ay bigay pa rin dito ng Diyos; sadyang hindi ibinigay ng Diyos ang Kanyang buong awtoridad dito, kaya nga anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang Diyos at palagi itong magiging nasa mga kamay ng Diyos. Hindi ibinunyag ng Diyos ang anuman sa Kanyang mga gawa habang nasa langit. Binigyan lamang Niya si Satanas ng maliit na bahagi ng awtoridad at tinulutan itong magkaroon ng kontrol sa iba pang mga anghel. Samakatwid, anuman ang gawin ni Satanas, hindi nito kayang lampasan ang awtoridad ng Diyos, dahil ang awtoridad na orihinal na ipinagkaloob dito ng Diyos ay limitado. Habang gumagawa ang Diyos, nanggugulo si Satanas. Sa mga huling araw, ang mga panggugulo nito ay matatapos; matatapos din ang gawain ng Diyos, at ang mga taong nais gawing ganap ng Diyos ay magiging ganap. Pinapatnubayan ng Diyos ang mga tao nang positibo; ang Kanyang buhay ay tubig na buhay, hindi masusukat at walang hangganan. Nagawang tiwali ni Satanas ang tao hanggang sa isang partikular na antas; sa huli, ang buhay na tubig ng buhay ay gagawing ganap ang tao, at magiging imposibleng makialam at magsagawa si Satanas ng gawain nito. Sa gayon, lubos na makakamit ng Diyos ang mga taong ito. Kahit ngayon, nananatiling suwail si Satanas; patuloy nitong sinusubukang makipagkompetensiya sa Diyos, ngunit hindi Niya ito pinapansin. Sabi ng Diyos, “Magiging matagumpay Ako laban sa lahat ng puwersa ng kadiliman ni Satanas at laban sa lahat ng impluwensiya ng kadiliman.” Ito ang gawaing dapat isagawa sa katawang-tao, at ito rin ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos: upang tapusin ang yugto ng gawaing talunin si Satanas sa mga huling araw, at lipulin ang lahat na kay Satanas. Hindi maiiwasan ang tagumpay ng Diyos laban kay Satanas! Ang totoo, matagal nang nabigo si Satanas. Nang magsimulang lumaganap ang ebanghelyo sa buong bansa ng malaking pulang dragon—ibig sabihin, nang simulan ng Diyos na nagkatawang-tao ang Kanyang gawain at nagsimulang umusad ang gawaing ito—lubusang natalo si Satanas, sapagkat ang pinakalayunin ng pagkakatawang-tao ay upang gapiin si Satanas. Nakita ni Satanas na minsan pang naging tao ang Diyos at nagsimulang magsagawa ng Kanyang gawain, na hindi mapigil ng anumang puwersa, at kaya natulala ito nang makita ang gawaing ito, at hindi nangahas na gumawa ng kahit ano pa. Noong una, akala ni Satanas ay pinagkalooban din ito ng maraming karunungan, at ginambala at ginulo nito ang gawain ng Diyos; gayunman, hindi nito inasahan na minsan pang magiging tao ang Diyos, o na sa Kanyang gawain, gagamitin ng Diyos ang paghihimagsik ni Satanas upang ilantad at hatulan ang sangkatauhan, nang sa gayon ay malupig ang mga tao at matalo si Satanas. Mas matalino ang Diyos kaysa kay Satanas, at ang Kanyang gawain ay higit pa kaysa rito. Kaya nga, isinaad Ko na dati, “Ang gawaing Aking ginagawa ay isinasagawa bilang tugon sa mga pakana ni Satanas; sa huli, ibubunyag Ko ang Aking pagkamakapangyarihan-sa-lahat at ang kawalan ng kapangyarihan ni Satanas.” Ang Diyos ay nangunguna sa paggawa ng Kanyang gawain, samantalang si Satanas ay nakabuntot, hanggang sa huli, tuluyan itong wawasakin—ni hindi nito malalaman kung ano ang nangyari! Matatanto lamang nito ang katunayan kapag nadurog at nadikdik na ito, at sa oras na iyon, nasunog na ito sa lawa ng apoy. Hindi ba lubos na itong makukumbinsi sa oras na iyon? Sapagkat wala nang magagamit na mga pakana si Satanas sa oras na iyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 152

Ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga tao ay hindi maihihiwalay sa tao, dahil ang tao ay ang layon ng gawaing ito, at ang tanging nilikha ng Diyos na kayang magpatotoo sa Diyos. Ang buhay ng tao at ang lahat ng gawain ng tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at kinokontrol lahat ng mga kamay ng Diyos, at masasabi pa na walang tao ang maaaring umiral nang hiwalay sa Diyos. Walang maaaring magkaila nito, dahil ito ay isang katunayan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan, at nakatuon laban sa mga pakana ni Satanas. Ang lahat ng kailangan ng tao ay nanggagaling sa Diyos, at ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Kaya, ang tao ay sadyang hindi kayang mawalay sa Diyos. Ang Diyos, higit pa rito, ay hindi nagkaroon kailanman ng layunin na mawalay sa tao. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, at ang mga iniisip Niya ay laging mabuti. Kung gayon, para sa tao, ang gawain ng Diyos at ang mga iniisip ng Diyos (ibig sabihin, ang mga layunin ng Diyos) ay kapwa “mga pangitain” na dapat malaman ng tao. Ang gayong mga pangitain ay ang pamamahala rin ng Diyos, at gawain na hindi kayang magawa ng tao. Samantala, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng Kanyang gawain ay tinatawag na “pagsasagawa” ng tao. Ang mga pangitain ay ang gawain ng Diyos Mismo, o ang mga layunin Niya para sa sangkatauhan o ang mga layon at kahalagahan ng gawain Niya. Ang mga pangitain ay masasabi ring bahagi ng pamamahala, dahil ang pamamahalang ito ay ang gawain ng Diyos, at ito ay nakatuon sa tao, na nangangahulugang ito ang gawain na ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao. Ang gawaing ito ang patunay at ang daan kung saan nakikilala ng tao ang Diyos, at ito ay napakahalaga para sa tao. Kung sa halip na magbigay-pansin sa pagkilala sa gawain ng Diyos ay nagbibigay-pansin lamang ang mga tao sa mga doktrina ng pananampalataya sa Diyos, o sa mabababaw at di-mahahalagang detalye, sadyang hindi nila makikilala ang Diyos, lalong hindi sila aayon sa mga layunin ng Diyos. Ang gawain ng Diyos na lubhang makatutulong sa pagkakilala ng tao sa Diyos ay tinatawag na mga pangitain. Ang mga pangitaing ito ang gawain ng Diyos, ang mga layunin ng Diyos, at ang mga pakay at kahalagahan ng gawain ng Diyos, na kapaki-pakinabang lahat sa tao. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa kung ano ang dapat gawin ng tao, yaong dapat gawin ng mga nilikha na sumusunod sa Diyos—sa madaling salita, ang tungkulin ng tao. Kung ano ang dapat na gawin ng tao ay hindi isang bagay na naunawaan ng tao mula sa pinakasimula, kundi mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng gawain Niya. Ang mga hinihinging ito ay unti-unting lumalalim at tumataas habang gumagawa ang Diyos. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, kinailangang sundin ng tao ang kautusan, at sa Kapanahunan ng Biyaya, kinailangang pasanin ng tao ang krus. Iba ang Kapanahunan ng Kaharian: Ang mga hinihingi sa tao ay mas matataas kaysa sa mga hinihingi ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Habang ang mga pangitain ay mas tumataas, ang mga hinihingi sa tao ay lalo pang tumataas, at lalo pang lumilinaw at nagiging mas praktikal. Gayundin, ang mga pangitain ay lalo’t lalong nagiging mas praktikal. Ang maraming praktikal na pangitaing ito ay hindi lamang tumutulong sa tao na mas magpasakop sa Diyos, kundi, higit pa rito, ang mga ito ay kapaki-pakinabang sa kanyang pagkakilala sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 153

Kung ihahambing sa mga nakalipas na kapanahunan, ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ay mas makatotohanan, mas nakatuon sa diwa ng tao at sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at mas nakapagpapatotoo tungkol sa Diyos Mismo sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Sa madaling salita, sa Kapanahunan ng Kaharian, habang Siya ay gumagawa, mas ipinamamalas ng Diyos ang Sarili Niya sa tao kaysa sa iba pang panahon sa nakalipas, na nangangahulugang ang mga pangitain na nararapat malaman ng tao ay mas mataas kaysa sa mga pangitain sa anumang nakalipas na kapanahunan. Dahil ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay pumasok na sa isang larangang hindi pa napasok noon, ang mga pangitaing nalalaman ng tao sa Kapanahunan ng Kaharian ang pinakamataas sa lahat ng gawain ng pamamahala. Ang gawain ng Diyos ay pumasok na sa hindi pa napasok na larangan, kaya’t ang mga pangitain na malalaman ng tao ay naging ang pinakamataas sa lahat ng pangitain, at ang naibungang pagsasagawa ng tao ay mas mataas din kaysa sa anumang nakalipas na kapanahunan, dahil ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago alinsunod sa mga pangitain, at ang pagkaperpekto ng mga pangitain ay tanda rin ng pagkaperpekto ng mga hinihingi sa tao. Sa sandaling ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay huminto, gayundin hihinto ang pagsasagawa ng tao, at kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawa ang tao kundi ang manatili sa mga regulasyon ng nakalipas, o kaya ay wala na siyang mababalingan. Kung walang mga bagong pangitain, walang magiging bagong pagsasagawa ang tao; kung walang ganap na mga pangitain, walang magiging perpektong pagsasagawa ang tao; kung walang mas mataas na mga pangitain, walang magiging mas mataas na pagsasagawa ang tao. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago kasabay ng mga yapak ng Diyos, at, gayundin, ang kaalaman at karanasan ng tao ay nagbabago rin kasabay ng gawain ng Diyos. Gaano man kahusay ang tao, hindi pa rin siya maihihiwalay sa Diyos, at kung hihinto sa paggawa ang Diyos kahit isang saglit, agad na mamamatay ang tao dahil sa Kanyang galit. Walang maipagyayabang ang tao, dahil gaano man kataas ang kaalaman ng tao ngayon, gaano man kalalim ang kanyang mga karanasan, hindi siya maihihiwalay sa gawain ng Diyos—dahil ang pagsasagawa ng tao, at iyong dapat niyang hangarin sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ay hindi maihihiwalay sa mga pangitain. Sa bawat pagkakataon ng gawain ng Diyos, mayroong mga pangitaing dapat malaman ng tao, at, kasunod ng mga ito, mayroong mga angkop na hinihingi sa tao. Kung wala ang mga pangitaing ito bilang saligan, sadyang hindi kayang magsagawa ng tao, at hindi rin magagawang matatag na sumunod sa Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos o hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, lahat ng ginagawa ng tao ay walang kabuluhan, at hindi masasang-ayunan ng Diyos. Gaano man kasagana ang mga kaloob sa tao, hindi pa rin niya kayang wala ang gawain at patnubay ng Diyos. Gaano man kabuti o karami ang mga pagkilos ng tao, hindi pa rin mapapalitan ng mga ito ang gawain ng Diyos. Kaya, anuman ang kalagayan, hindi maihihiwalay ang pagsasagawa ng tao mula sa mga pangitain. Ang mga hindi tumatanggap sa mga bagong pangitain kahit kaunti ay walang bagong pagsasagawa. Ang kanilang pagsasagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan dahil sumusunod sila sa mga regulasyon at nananatili sa walang-buhay na kautusan; wala sila ni anumang bagong pangitain, at bilang kinalabasan, wala silang pagsasagawa ng bagong kapanahunan. Naiwala na nila ang mga pangitain, at dahil dito, naiwala na rin nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang katotohanan. Iyong mga walang katotohanan ay mga anak ng kahangalan, at sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Anumang uri ang isang tao, hindi maaaring wala siyang mga pangitain sa gawain ng Diyos, at hindi maaaring mawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu; sa sandaling maiwala ng isa ang mga pangitain, agad-agad siyang bumababa sa Hades at namumuhay sa kadiliman. Ang mga taong walang pangitain ay iyong mga sumusunod sa Diyos sa naguguluhang paraan, sila iyong mga salat sa gawain ng Banal na Espiritu, at namumuhay sila sa impiyerno. Ang ganoong mga tao ay hindi naghahangad ng katotohanan, kundi isinasabit ang pangalan ng Diyos na tila isang karatula. Iyong mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu, na hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, na hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain sa kabuuan ng pamamahala ng Diyos—hindi nila alam ang mga pangitain, at wala silang katotohanan. At hindi ba’t iyong mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay pawang mga taong gumagawa ng masama? Iyong mga handang isagawa ang katotohanan, na handang hangarin ang pagkakilala sa Diyos, at tunay na nakikipagtulungan sa Diyos ay mga taong itinuturing na saligan ang mga pangitain. Sila ay sinasang-ayunan ng Diyos dahil sila ay nakikipagtulungan sa Diyos, at ang pakikipagtulungang ito ang dapat isagawa ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 154

Naglalaman ang mga pangitain ng maraming landas ng pagsasagawa. Ang mga praktikal na hinihingi sa tao ay nilalaman din ng mga pangitain, gayundin ang gawain ng Diyos na kailangang malaman ng tao. Sa nakalipas, sa panahon ng mga natatanging pagtitipon o maringal na mga pagtitipon na ginanap sa iba’t ibang lugar, iisang aspekto lamang ng landas ng pagsasagawa ang pinag-usapan. Ang pagsasagawang iyon ay dapat isinagawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at walang masyadong kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos, dahil ang pangitain ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pangitain lamang ng pagkakapako sa krus ni Jesus, at walang mga pangitain na higit pa rito. Wala nang dapat malaman ang tao maliban sa gawain ng Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, kaya’t sa Kapanahunan ng Biyaya ay wala nang iba pang mga pangitain na kailangang malaman ng tao. Sa ganitong paraan, mayroon lamang katiting na pagkakilala ang tao sa Diyos, at bukod sa pagkakilala sa mapagmahal na kabaitan at awa ni Jesus, mayroon lamang iilang payak at kahabag-habag na mga bagay para isagawa niya, mga bagay na napakalayo sa ngayon. Noong nakalipas, anumang paraan ang ginamit sa kanyang pagtitipon, walang kakayahan ang tao na mangusap tungkol sa praktikal na pagkakilala sa gawain ng Diyos, at lalong hindi malinaw na nasabi ninuman kung aling landas ng pagsasagawa ang pinakaangkop na pasukin ng tao. Nagdagdag lamang ang tao ng ilang payak na detalye sa saligan ng pagtitimpi at pagtitiis; sadyang walang pagbabago sa diwa ng kanyang pagsasagawa, dahil sa parehong kapanahunan ay hindi gumawa ang Diyos ng anumang mas bagong gawain, at ang tanging hiningi Niya sa tao ay ang pagtitimpi at pagtitiis, o pagpasan ng krus—maliban sa gayong mga pagsasagawa, walang mas mataas na mga pangitain kaysa sa pagkakapako sa krus ni Jesus. Sa nakalipas, walang binanggit na ibang mga pangitain dahil hindi gumawa ng maraming gawain ang Diyos, at dahil limitado lamang ang Kanyang mga hinihingi sa tao. Sa paraang ito, anuman ang ginawa ng tao, hindi niya nagawang malabag ang mga hangganang ito; nagsagawa lamang siya sa mababaw at simpleng paraan. Ngayon ay sinasabi Ko ang mas maraming pangitain dahil ngayon, mas marami nang gawain ang nagawa, gawain na ilang ulit na nakahihigit sa gawain noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Ang mga hinihingi sa tao ay ilang ulit din na mas mataas kaysa sa mga nakalipas na kapanahunan. Kung walang kakayahan ang tao na lubusang makilala ang gawaing iyon, hindi ito magtataglay ng malaking kahalagahan; maaaring sabihin na mahihirapan ang tao na lubos na makilala ang ganoong gawain kung hindi siya naglalaan ng buong buhay na pagsisikap para dito. Sa gawain ng panlulupig, kung ang pag-uusapan lamang ay ang landas ng pagsasagawa, magiging imposibleng lupigin ang tao. Magiging imposible ring lupigin ang tao sa pagsasalita lamang tungkol sa mga pangitain, nang walang anumang mga hinihingi sa tao. Kung ang landas ng pagsasagawa lamang ang mapag-usapan, magiging imposible na patamaan ang matinding kahinaan ng tao, o na iwaksi ang mga kuru-kuro ng tao, at magiging imposible rin na lubusang lupigin ang tao. Ang mga pangitain ang pangunahing kasangkapan sa paglupig sa tao, ngunit kung walang landas ng pagsasagawa bukod sa mga pangitain, walang magiging daan upang makasunod ang tao, at lalong wala siyang magiging anumang paraan ng pagpasok. Ito na ang naging prinsipyo ng gawain ng Diyos mula sa simula hanggang sa katapusan: Sa mga pangitain ay mayroong maaaring maisagawa, at mayroon ding mga pangitain bukod pa sa pagsasagawa. Ang antas ng mga pagbabago kapwa sa buhay ng tao at sa kanyang disposisyon ay kasabay ng mga pagbabago sa mga pangitain. Kung aasa lamang ang tao sa sarili niyang mga pagsisikap, magiging imposible para sa kanya na makatamo ng kahit na anumang malaking antas ng pagbabago. Ang mga pangitain ay tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo at sa pamamahala ng Diyos. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa landas ng pagsasagawa ng tao, at sa daan ng pag-iral ng tao. Sa buong pamamahala ng Diyos, ang kaugnayan sa pagitan ng mga pangitain at ng pagsasagawa ay ang kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kapag inalis ang mga pangitain, o kung ang mga ito ay binanggit nang hindi pinag-uusapan ang pagsasagawa, o kung mayroon lamang mga pangitain at inalis ang pagsasagawa ng tao, ang gayong mga bagay ay hindi maituturing na pamamahala ng Diyos, at lalo nang hindi masasabi na ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan; sa ganitong paraan, hindi lamang maaalis ang tungkulin ng tao, kundi ito ay magiging pagtanggi sa layunin ng gawain ng Diyos. Kung, mula sa simula hanggang sa katapusan, hiningi lamang sa tao na magsagawa, nang walang kaugnayan sa gawain ng Diyos, at, higit pa rito, kung hindi hiningi sa tao na kilalanin ang gawain ng Diyos, lalong hindi mapapanindigan na tawagin ang gayong gawain na pamamahala ng Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, at walang alam sa mga layunin ng Diyos, at bulag lang na nagsagawa sa isang malabong paraan, hindi siya kailanman magiging isang nilikha na ganap na pasok sa pamantayan. Kaya naman, ang dalawang bagay na ito ay parehong di-maaaring mawala. Kung ang mayroon lamang ay ang gawain ng Diyos, na ibig sabihin, kung ang mayroon lamang ay ang mga pangitain, at wala ang pakikipagtulungan o pagsasagawa sa parte ng tao, kung gayon, hindi ito maaaring tawaging pamamahala ng Diyos. Kung ang mayroon lamang ay ang pagsasagawa at ang pagpasok ng tao, kahit ito pa ang pinakamataas na landas ng pagpasok, hindi rin iyon gagana. Ang pagpasok ng tao ay kailangang unti-unting magbago kasabay ng gawain at mga pangitain; hindi ito maaaring magbago nang arbitraryo. Ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng tao ay hindi walang pagpipigil, kundi nakatakda sa loob ng mga partikular na hangganan. Ang ganoong mga prinsipyo ay nagbabago kasabay ng mga pangitain ng gawain. Samakatwid, ang pamamahala ng Diyos sa kahuli-hulihan ay naibubuod bilang gawain ng Diyos at pagsasagawa ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 155

Ang gawain ng pamamahala ay umiral lamang dahil sa sangkatauhan, na nangangahulugang lumitaw lamang ito dahil sa pag-iral ng sangkatauhan. Hindi totoo na mayroong pamamahala bago ang sangkatauhan, o sa pasimula, nang ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha. Kung, sa buong gawain ng Diyos, ay walang pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa tao—ibig sabihin, kung hindi Siya gumawa ng mga angkop na hinihingi sa tiwaling sangkatauhan (kung walang angkop na landas para sa pagsasagawa ng tao sa gawaing ginawa ng Diyos)—kung gayon, ang gawaing ito ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay kinapapalooban lamang ng pagsasabi sa tiwaling sangkatauhan kung paano sila magsasagawa, at hindi isinakatuparan ng Diyos ang alinman sa Kanyang sariling proyekto, at hindi nagbunyag ng kahit katiting ng Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat o karunungan, at gaano man kataas ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, gaano man katagal namuhay ang Diyos kasama ng tao, walang alam ang tao tungkol sa disposisyon ng Diyos, kung gayon, ang ganitong uri ng gawain ay mas lalong hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay gawaing ginagawa ng Diyos, at ang lahat ng gawain na isinasakatuparan ng mga nakamit ng Diyos sa ilalim ng Kanyang paggabay. Ang ganoong gawain ay maaaring ibuod bilang pamamahala. Sa madaling salita, ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao, gayundin ang pakikipagtulungan sa Kanya ng lahat ng sumusunod sa Kanya ay kolektibong tinatawag na pamamahala. Dito, ang gawain ng Diyos ay tinatawag na mga pangitain, at ang pakikipagtulungan ng tao ay tinatawag na pagsasagawa. Habang tumataas ang gawain ng Diyos (iyon ay, tumataas din ang mga pangitain), higit na nagagawang malinaw sa tao ang disposisyon ng Diyos, at higit na kasalungat ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at higit na nagiging mataas ang pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Habang higit na tumataas ang mga hinihingi sa tao, higit na nagiging kasalungat ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at bilang bunga nito ang mga pagsubok sa tao, at ang mga pamantayang hinihingi sa kanya na maabot, ay tumataas din. Sa pagtatapos ng gawaing ito, ang lahat ng pangitain ay magiging ganap na, at iyong kinakailangan na isagawa ng tao ay mararating ang rurok ng kasakdalan. Ito rin ang magiging panahon kung kailan ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, sapagkat iyong dapat malaman ng tao ay maipapakita sa tao. Kaya’t kapag naabot ng mga pangitain ang kasukdulan, ang gawain ay malapit na ring matapos, at maaabot din ng pagsasagawa ng tao ang tugatog nito. Ang pagsasagawa ng tao ay batay sa gawain ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ay lubos na naipapahayag lamang sa pamamagitan ng pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Ang tao ang pangunang halimbawa ng gawain ng Diyos, at ang layon ng kabuuan ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang bunga rin ng buong pamamahala ng Diyos. Kung mag-isang gumawa ang Diyos, at wala ang pakikipagtulungan ng tao, kung gayon walang magsisilbing kristalisasyon ng Kanyang buong gawain, at kung gayon, walang magiging kabuluhan sa pamamahala ng Diyos ni katiting man. Sa pamamagitan lamang ng pagpili ng Diyos ng angkop na mga pakay bukod pa sa Kanyang gawain para ipahayag ang gawaing ito at patunayan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan nito makakamit ng Diyos ang layunin ng pamamahala Niya, at makakamit ang layunin ng paggamit ng lahat ng gawaing ito upang ganap na talunin si Satanas. Samakatwid, ang tao ay isang bahagi na hindi maaaring mawala sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang tao lamang ang makakagawa sa pamamahala ng Diyos na magbunga at makamit ang sukdulan nitong layunin; Bukod sa tao, walang ibang anyo ng buhay ang makagaganap sa ganoong papel. Kung ang tao ang magiging tunay na kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos, kung gayon, dapat lubos na maalis sa tiwaling sangkatauhan ang paghihimagsik nito. Hinihingi nito na bigyan ang tao ng angkop na pagsasagawa sa iba’t ibang panahon, at na ang Diyos ay magsagawa ng katumbas na gawain sa gitna ng tao. Tanging sa paraang ito makakamtan sa kahuli-hulihan ang isang kalipunan ng tao na siyang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay hindi nagagawang magpatotoo sa Diyos Mismo sa pamamagitan lamang ng gawain ng Diyos; upang makamit, ang ganoong patotoo ay nangangailangan din ng mga buhay na tao na angkop sa Kanyang gawain. Gagawa muna ang Diyos sa mga taong ito, na kung saan sa pamamagitan nila ang Kanyang gawain ay maihahayag, kaya ang gayong patotoo Niya ay ibibigay sa gitna ng mga nilikha, at dito, makakamtan ng Diyos ang layunin ng Kanyang gawain. Hindi mag-isang gumagawa ang Diyos upang matalo si Satanas dahil hindi Niya kayang tuwirang magpatotoo para sa sarili Niya sa gitna ng lahat ng nilikha. Kung ito ay gagawin Niya, magiging imposible na lubusang kumbinsihin ang tao, kaya dapat lupigin ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paggawa sa kanya, at saka lamang Siya magkakamit ng patotoo sa gitna ng lahat ng nilikha. Kung ang Diyos lamang ang patuloy na gumagawa, samantalang hindi nakikipagtulungan ang tao o hindi hinihingi ng Diyos na gawin niya, kung gayon, hindi kailanman magagawang makilala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at magpakailanmang magiging walang kamalayan sa mga layunin ng Diyos; hindi ito matatawag na gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung magsisikap lamang ang tao mismo, at maghahangad, at magpupunyagi, nang hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kung gayon, kalokohan lang ang gagawin ng tao. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, iyong ginagawa ng tao ay kay Satanas, ito ay paghihimagsik at paggawa ng masama; naihahayag si Satanas sa lahat ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, at walang anumang kaayon ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng tao ay pagpapakita ni Satanas. Wala sa lahat ng nasabi ng Diyos ang hindi nauugnay sa mga pangitain at pagsasagawa. Sa saligan ng mga pangitain, nahanap ng tao ang pagsasagawa at ang landas ng pagpapasakop, at isinasantabi ang kanyang mga kuru-kuro at nakakamit iyong mga bagay na hindi niya taglay dati. Hinihingi ng Diyos na makipagtulungan ang tao sa Kanya, na ang tao ay ganap na magpasakop sa Kanyang mga hinihingi, at hinihingi ng tao na mamasdan ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, na maranasan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at na makilala ang disposisyon ng Diyos. Ang mga ito, sa kabuuan, ay ang pamamahala ng Diyos. Ang pagsasanib ng Diyos at ng tao ay ang pamamahala, at ito ang pinakadakilang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 156

Iyong kinapapalooban ng mga pangitain ay pangunahing tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo, at iyong kinapapalooban ng pagsasagawa ay dapat gawin ng tao, at walang anupamang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay tinatapos ng Diyos Mismo, at ang pagsasagawa ng tao ay kinakamit ng tao mismo. Ang mga nararapat gawin ng Diyos Mismo ay hindi kailangang gawin ng tao, at ang dapat isagawa ng tao ay walang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang sariling ministeryo, at walang kaugnayan sa tao. Ang gawaing ito ay hindi kailangang gawin ng tao, at, dagdag pa rito, hindi makakayang gawin ng tao ang gawain na gagawin ng Diyos. Iyong kinakailangang isagawa ay dapat magawa ng tao, kahit na ito ang pagsasakripisyo sa kanyang buhay, o ang paghahatid sa kanya kay Satanas upang manindigan sa kanyang patotoo—lahat ito ay dapat maisakatuparan ng tao. Tinatapos ng Diyos Mismo ang lahat ng gawain na nararapat Niyang gawin, at ang nararapat gawin ng tao ay ipinakikita sa tao, at ang mga natitirang gawain ay iniiwan sa tao upang gawin. Hindi gumagawa ang Diyos ng karagdagang gawain; ginagawa Niya lamang ang gawain na sakop ng ministeryo Niya, at ipinakikita lamang sa tao ang daan, at ginagawa lamang ang gawain ng pagbubukas ng daan, at hindi ginagawa ang gawain ng paghahanda sa daan. Dapat itong maunawaan ng lahat. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng ito ay tungkulin ng tao, na kailangang gawin ng tao, at walang anupamang kinalaman sa Diyos. Kung hinihingi ng tao na ang Diyos ay magdusa rin at magtiis ng pagpipino sa katotohanan, katulad ng sa tao, kung gayon ang tao ay nagiging mapaghimagsik. Ang gawain ng Diyos ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo, at ang tungkulin ng tao ay ang magpasakop sa lahat ng paggabay ng Diyos, nang walang anumang paglaban. Iyong kailangang kamtin ng tao ay nararapat niyang tuparin, hindi alintana kung paano gumagawa o nabubuhay ang Diyos. Ang Diyos Mismo lamang ang maaaring humingi sa tao, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lamang ang naaangkop na humingi sa tao. Hindi dapat magkaroon ng anumang pagpili ang tao at walang dapat gawin kundi ang lubos na magpasakop at magsagawa; ito ang katwiran na dapat taglayin ng tao. Sa sandaling matapos ang gawain na dapat gawin ng Diyos Mismo, kailangan ng tao na ito ay maranasan, isa-isang hakbang. Kung, sa katapusan, kapag ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay natapos na, hindi pa rin nagawa ng tao iyong mga hinihingi ng Diyos, kung gayon dapat parusahan ang tao. Kung hindi tinutugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon ito ay ang paghihimagsik ng tao; hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ay hindi naging masusi sa Kanyang gawain. Ang lahat ng hindi makakapagsagawa sa mga salita ng Diyos, iyong mga hindi makakatupad sa mga hinihingi ng Diyos, at iyong mga hindi makakapagbigay ng kanilang debosyon at makakatupad sa kanilang tungkulin ay maparurusahang lahat. Ngayon, kung ano ang hinihingi sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gumampan man lamang sa inyong tungkulin, o gumampan dito nang maayos, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t hinahanap ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at kinabukasan? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay alang-alang sa pamamahala ng Diyos. Pagkatapos gawin ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging ganap na dedikado sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang debosyon, at hindi dapat magpalamon sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang debosyon sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya alang-alang sa pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga pakay ng perdisyon? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, wala pa ring kakayahan ang tao na masigasig na gampanan ang ilang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat. Narating na ng mga salitang sinabi sa inyo ang kaibuturan ng inyong diwa, at nakapasok na ang gawain ng Diyos sa larangang hindi pa nito napapasok. Maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa totoo o sa kasinungalingan ng daan na ito; sila ay naghihintay pa rin at nagmamasid, at hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa halip, sinusuri nila ang bawat salita at kilos ng Diyos, sila ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang kinakain at isinusuot Niya, at ang kanilang mga kuru-kuro ay nagiging mas malubha. Hindi ba’t ang mga taong ganoon ay nababahala sa wala? Paanong mangyayari na ang mga taong iyon ay sila ring naghahanap sa Diyos? At paanong sila ang may intensiyong magpasakop sa Diyos? Isinasantabi nila ang kanilang debosyon at tungkulin sa kanilang mga isipan, at sa halip ay pinagtutuunan ng pansin ang kinaroroonan ng Diyos. Sila ay tunay na kasuklam-suklam! Kung naunawaan na ng tao ang lahat ng dapat niyang maunawaan, at naisagawa na ang lahat ng dapat niyang isagawa, kung gayon, ang Diyos ay tiyak na magkakaloob ng Kanyang mga pagpapala sa tao, sapagkat iyong mga hinihingi Niya sa tao ay ang tungkulin ng tao, at iyong dapat na gawin ng tao. Kung walang kakayahan ang tao na arukin kung ano ang dapat niyang maunawaan at walang kakayahan na isagawa ang dapat niyang isagawa, kung gayon ang tao ay maparurusahan. Iyong mga hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay kaaway ng Diyos, iyong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ay nagtataglay ng saloobing sumasalungat dito, kahit pa ang mga taong iyon ay hindi gumagawa ng lantad na paglaban dito. Ang lahat ng hindi nagsasagawa ng katotohanan na hiningi ng Diyos ay ang mga taong sinasadyang lumaban at mapaghimagsik sa mga salita ng Diyos, kahit pa ang mga taong ito ay labis na “nagmamalasakit” tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na hindi masunurin o mapagpasakop ay mapaghimagsik, at kinakalaban nila ang Diyos. Ang mga taong hindi gumaganap sa kanilang tungkulin ay silang hindi nakikipagtulungan sa Diyos, at ang mga taong hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 157

Kapag naaabot ng gawain ng Diyos ang isang tiyak na punto, at ang pamamahala Niya ay nakaaabot sa isang tiyak na punto, ang mga umaayon sa Kanyang mga layunin ay pawang may kakayahang tuparin ang mga hinihingi Niya. Nagtatalaga ang Diyos ng mga hinihingi Niya sa tao ayon sa sarili Niyang mga pamantayan, at ayon doon sa kayang makamit ng tao. Habang nagsasalita tungkol sa Kanyang pamamahala, itinuturo din Niya ang landas para sa tao, at ipinagkakaloob sa tao ang daan ng pag-iral. Ang pamamahala ng Diyos at ang pagsasagawa ng tao ay nasa parehong yugto ng gawain at sabay na isinasakatuparan. Ang pagsasalita tungkol sa pamamahala ng Diyos ay may kinalaman sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao, at ang pagsasalita tungkol sa kung ano ang dapat magawa ng tao at sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao ay nauugnay sa gawain ng Diyos; walang panahon kung kailan ang dalawang ito ay maaaring mapaghiwalay. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago, baitang-baitang. Ito ay dahil ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay nagbabago rin, at dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago at sumusulong. Kung ang pagsasagawa ng tao ay nananatiling bihag ng mga regulasyon, ito ay nagpapatunay na siya ay nawalan ng gawain at paggabay ng Diyos; kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi kailanman nagbabago o lumalalim, kung gayon ito ay nagpapatunay na ang pagsasagawa ng tao ay isinasakatuparan ayon sa kalooban ng tao, at ang pagsasagawa ng hindi katotohanan; kung ang tao ay walang landas na tatahakin, kung gayon siya ay nahulog na sa mga kamay ni Satanas, at nakokontrol ni Satanas, na nangangahulugang siya ay nakokontrol ng masasamang espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi lumalalim, ang gawain ng Diyos ay hindi uusad, at kung walang pagbabago sa gawain ng Diyos, kung gayon ang pagpasok ng tao ay mahihinto; hindi ito maiiwasan. Sa kabuuan ng lahat ng gawain ng Diyos, kung ang tao ay laging sumusunod sa kautusan ni Jehova, kung gayon ang gawain ng Diyos ay hindi makakasulong, lalong hindi magiging posible na dalhin ang buong kapanahunan sa katapusan. Kung ang tao ay palaging nakahawak sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba, kung gayon magiging imposible para sa gawain ng Diyos na magpatuloy sa pagsulong. Ang anim na libong taon ng pamamahala ay hindi basta-basta matatapos sa gitna ng mga taong sumusunod lamang sa kautusan, o kumakapit lamang sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba. Sa halip, ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas sa gitna ng mga nasa mga huling araw, na nakakakilala sa Diyos, na nabawi na mula sa mga kamay ni Satanas at lubusang naalis na ang kanilang mga sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Ito ang hindi maiiwasang patutunguhan ng gawain ng Diyos. Bakit sinasabi na lipas na sa panahon ang mga pagsasagawa ng mga nasa relihiyosong simbahan? Ito ay dahil ang kanilang isinasagawa ay hiwalay mula sa gawain ng kasalukuyan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang kanilang isinasagawa ay tama, ngunit habang lumilipas ang kapanahunan at nagbabago ang gawain ng Diyos, ang mga pagsasagawa nila ay unti-unti na ring nilipasan ng panahon. Ito ay naiwan na ng bagong gawain at ng bagong liwanag. Batay sa orihinal nitong saligan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakasulong na ng ilang hakbang na palalim. Ngunit ang mga taong iyon ay nananatili pa ring naiipit sa orihinal na yugto ng gawain ng Diyos, at kumakapit pa rin sa mga lumang pagsasagawa at sa lumang liwanag. Maaaring magbago nang malaki ang gawain ng Diyos sa paglipas ng tatlo o limang taon, kaya hindi ba’t mas malaki pang mga pagbabago ang mangyayari sa loob ng 2,000 taon? Kung ang tao ay walang bagong liwanag o pagsasagawa, ito ay nangangahulugan na hindi siya nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at ito ang pagkakamali ng tao. Ang pag-iral ng bagong gawain ng Diyos ay hindi maipagkakaila dahil, ngayon, ang mga dati nang nakaranas ng gawain ng Banal na Espiritu ay sumusunod pa rin sa mga lumang pagsasagawa. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumulong palalim at magbago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Tanging ang mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu ang hihinto sa Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga mapaghimagsik ang hindi magagawang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na nahihiwalay mula sa kasalukuyang gawain at tiyak na salungat sa kasalukuyang gawain. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang isakatuparan ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na maninindigan sa kanilang patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawain ng pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa gitna ng ganoong grupo ng mga tao. Tungkol naman sa mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at iyong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Iyong mga hindi na nakasabay sa gawain ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ngayon, ay iyong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay kumokontra sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatanggi na hindi nila kilala ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit paulit-ulit ang mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging tinatalakay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling naiipit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano ng pamamahala ng Diyos ay hindi nagbago. Iyong mga nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at sila ay ganap na walang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang grupo ng mga tao, at nilalayon Niyang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa mga taong ito. Dahil iyong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala. Ang pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong, at ang pagsasagawa ng tao ay palaging umuunlad. Gumagawa lagi ang Diyos, at laging nangangailangan ang tao, hanggang sa kapwa nila nararating ang kanilang tugatog at ang Diyos at tao ay nagkakamit ng ganap na pagsasanib. Ito ang pagpapamalas ng pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng Diyos, at ito ang pangwakas na kinalabasan ng buong pamamahala ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 158

Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga hinihingi sa tao. Lahat ng nasa loob ng daloy ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at iyong mga wala sa loob ng daloy ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng paghahari ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa daloy ng Banal na Espiritu ay iyong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at sila iyong mga nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung iyong mga nasa loob ng daloy na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Dahil tinanggap nila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, namumuhay sila sa loob ng daloy ng Banal na Espiritu, tumatanggap ng pangangalaga at proteksyon ng Banal na Espiritu. Iyong mga handang isagawa ang katotohanan ay binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, at iyong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng daloy ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga naghihimagsik laban sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa daloy ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na makipagtulungan sa Diyos nang naaayon, at hindi dapat kumilos na parang mga mapaghimagsik na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging hinihingi ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at pagsaway ng Banal na Espiritu ay walang kinalaman sa kanila kahit kaunti. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang isipan. Ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa mga doktrinang bunga ng kanilang sariling mental na pag-aanalisa at pananaliksik; hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Iyong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at mas lalo pang salat sa mga pagpapala at proteksyon ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay kumakapit sa mga hinihingi ng nakalipas na gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay mga doktrina, hindi mga katotohanan. Ang gayong mga doktrina at regulasyon ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang hinirang na mga tao, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nila nang magkakasama ay matatawag lamang na halo-halong relihiyon; hindi ito matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay may anyo ng relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay puno ng relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang pagkakilala sa paghihimagsik at paglaban ng tao, walang pagkakilala sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang pagkakilala sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang-uring tao, at sila ay mga tampalasan na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay lubhang nakasusuklam, nakakaawa rin, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa ng mga wala sa daloy ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina—lalong walang kaliwanagan—ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay itinaboy na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na mga taong gumagawa ng masama dahil ginagawa nila kung ano ang kanilang nais, kumikilos batay sa kanilang laman at nagwawagayway ng bandila ng Diyos habang ginagawa ito, at dahil sila ay sadyang mapanlaban sa Diyos at kumikilos nang kontra sa Kanya habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tatanggap ng nararapat na kaparusahan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 159

Kailangan ninyong malaman ang mga pangitain ng gawain ng Diyos at maintindihan ang pangkalahatang direksiyon ng Kanyang gawain. Ito ay positibong pagpasok. Kapag tumpak ka nang naging bihasa sa katotohanan ng mga pangitain, magiging sigurado ang iyong pagpasok; paano man magbago ang gawain ng Diyos, mananatiling matatag ang iyong puso, magiging malinaw sa iyo ang mga pangitain, at magkakaroon ng layunin ang iyong pagpasok at iyong paghahangad. Sa ganitong paraan, lahat ng karanasan at kaalaman sa iyong kalooban ay mas lalalim at magiging mas detalyado. Sa sandaling maarok mo ang pangkalahatang direksiyon, hindi ka daranas ng anumang mga kawalan sa buhay, ni hindi ka maliligaw ng landas. Kung hindi mo malalaman ang mga hakbang na ito ng gawain, daranas ka ng kawalan sa bawat hakbang, at aabutin ka ng higit sa ilang araw para makabawi, ni hindi mo magagawang tumahak sa tamang landas kahit sa loob ng dalawang linggo. Hindi ba ito magsasanhi ng mga pagkaantala? Napakaraming nauukol sa positibong pagpasok at pagsasagawang kailangan ninyong maging bihasa. Patungkol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, kailangan mong maintindihan ang sumusunod na mga punto: ang kahalagahan ng Kanyang gawain ng paglupig, ang landas tungo sa pagiging perpekto sa hinaharap, ano ang kailangang makamtan sa pamamagitan ng pagdanas ng mga pagsubok at kapighatian, ang kabuluhan ng paghatol at pagkastigo, ang mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang mga prinsipyo sa likod ng pagiging perpekto at paglupig. Lahat ng ito ay nabibilang sa katotohanan ng mga pangitain. Ang iba pa ay ang tatlong yugto ng gawain—ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian—gayundin ang patotoo sa hinaharap. Ang mga ito ay katotohanan din tungkol sa mga pangitain, at ang mga ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalaga rin. Sa kasalukuyan, napakarami ninyong dapat pasukin at isagawa, at mas malalalim ang antas nito at mas detalyado. Kung wala kang kaalaman tungkol sa mga katotohanang ito, pinatutunayan nito na hindi ka pa nakakapasok. Kadalasan, ang kaalaman ng tao tungkol sa katotohanan ay napakababaw; hindi nila maisagawa man lang ang ilang pangunahing katotohanan at hindi man lang nila alam kung paano pangasiwaan ang mga walang-kuwentang bagay. Ang dahilan kung bakit hindi naisasagawa ng mga tao ang katotohanan ay dahil mapaghimagsik ang kanilang disposisyon, at ang kanilang kaalaman sa gawain sa ngayon ay napakababaw at makitid. Sa gayon, hindi madaling gawing perpekto ang mga tao. Napakamapaghimagsik mo, at masyado kang kumakapit sa dati mong pagkatao; hindi ka makapanindigan sa panig ng katotohanan, at hindi mo maisagawa kahit ang pinakamaliwanag sa mga katotohanan. Ang gayong mga tao ay hindi maililigtas at sila yaong hindi pa nalupig. Kung ang iyong pagpasok ay walang detalye ni mga layunin, magiging mabagal ang paglago para sa iyo. Kung wala ni katiting na realidad sa iyong pagpasok, ang iyong paghahangad ay mawawalan ng kabuluhan. Kung hindi mo alam ang diwa ng katotohanan, hindi ka magbabago. Ang paglago sa buhay ng tao at mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay nakakamtan sa pamamagitan ng pagpasok sa realidad, at higit lalo sa pamamagitan ng pagpasok sa mga detalyadong karanasan. Kung marami kang detalyadong karanasan sa iyong pagpasok, at marami kang aktuwal na kaalaman at pagpasok, mabilis na magbabago ang iyong disposisyon. Kahit pa, sa kasalukuyan, hindi gaanong malinaw sa iyo ang tungkol sa pagsasagawa, kailangan mong malinawan man lamang ang mga pangitain ng gawain ng Diyos. Kung hindi, hindi ka makakapasok; posible lamang ang pagpasok kapag mayroon kang kaalaman tungkol sa katotohanan. Kung nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa iyong karanasan, saka ka lamang magtatamo ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at makakapasok nang mas malalim. Kailangan ninyong malaman ang gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 160

Sa simula, pagkaraan ng paglikha sa sangkatauhan, ang mga Israelita ang nagsilbing batayan ng gawain ng Diyos. Ang buong Israel ang naging sentro ng gawain ni Jehova sa lupa. Ang gawain ni Jehova ay upang direktang akayin at pastulan ang tao sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga kautusan, upang ang tao ay makapamuhay nang normal at sumamba kay Jehova sa normal na paraan sa lupa. Ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nakikita ni nahihipo ng tao. Dahil lahat ng Kanyang ginawa ay upang gabayan ang pinakaunang mga taong ginawang tiwali ni Satanas, na tinuturuan at pinapastulan sila, ang Kanyang mga salita ay naglaman lang ng mga kautusan, estatuto, at pamantayan para sa kanilang sariling asal, at hindi naglaman ng mga katotohanan na nagtutustos sa mga tao ng buhay. Ang mga Israelita sa ilalim ng Kanyang pamumuno ay hindi malalim na natiwali ni Satanas. Ang Kanyang gawain ng kautusan ay pinakaunang yugto lamang sa gawain ng pagliligtas, ang pinakasimula ng gawain ng pagliligtas, at halos walang kinalaman sa mga pagbabago sa buhay disposisyon ng tao. Samakatwid, hindi kinailangan sa simula ng gawain ng pagliligtas na Siya ay magkatawang-tao para sa Kanyang gawain sa Israel. Ito ang dahilan kaya Niya kinailangan ng isang daluyan—isang kasangkapan—na magagamit upang makipag-ugnayan sa tao. Sa gayon, lumitaw sa kalagitnaan ng mga nilalang iyong mga nilikha na nangusap at gumawa sa ngalan ni Jehova, kaya ang mga anak ng tao at ang mga propeta ay nakagawa sa gitna ng tao. Ang “mga anak ng tao” ay gumawa sa gitna ng tao sa ngalan ni Jehova, at tinawag na “mga anak ng tao” ni Jehova. Nangangahulugan ito na ang gayong mga tao ay nagtakda ng mga batas sa ngalan ni Jehova. Mga saserdote rin sila sa mga tao ng Israel, mga saserdoteng binantayan at pinrotektahan ni Jehova, at sa kanila gumawa ang Espiritu ni Jehova; sila ang mga pinuno sa mga tao at tuwirang naglingkod kay Jehova. Ang mga propeta, sa kabilang dako naman, ay nakatuon sa pagsasalita, sa ngalan ni Jehova, sa mga tao mula sa lahat ng lupain at tribo. Iprinopesiya rin nila ang gawain ni Jehova. Mga anak man sila ng tao o mga propeta, lahat ay ibinangon ng Espiritu ni Jehova Mismo at nasa kanila ang gawain ni Jehova. Sa gitna ng mga tao, sila iyong mga tuwirang kumatawan kay Jehova; ginawa lamang nila ang kanilang gawain dahil ibinangon sila ni Jehova at hindi dahil sila ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Banal na Espiritu Mismo. Samakatwid, bagama’t pareho silang nagsasalita at gumagawa sa ngalan ng Diyos, iyong mga anak ng tao at iyong mga propeta sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at sa huling yugto ay ang kabaligtaran mismo, sapagkat ang gawain ng pagliligtas at paghatol sa tao ay kapwa isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao Mismo, kaya nga talagang hindi na kailangang minsan pang magbangon ng mga propeta at ng mga anak ng tao upang gumawa sa ngalan Niya. Sa mga mata ng tao, walang mga pundamental na pagkakaiba sa pagitan ng diwa at pamamaraan ng kanilang gawain. At sa ganitong kadahilanan kaya laging napagkakamalan ng tao ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao na gawain ng mga propeta at ng mga anak ng tao. Ang hitsura ng Diyos na nagkatawang-tao ay halos kapareho ng sa mga propeta at sa mga anak ng tao. At ang Diyos na nagkatawang-tao ay mas normal at mas praktikal pa nga kaysa sa mga propeta. Sa gayon, ang tao ay walang kakayahang matukoy ang pagkakaiba nila. Ang tao ay nagtutuon lamang sa mga anyo, na lubos na hindi namamalayan na, kahit pareho silang gumagawa at nagsasalita, may esensyal na pagkakaiba sa pagitan nila. Dahil napakahina ng abilidad ng tao na kumilatis, hindi niya kayang mapag-iba ang mga simpleng isyu, lalo na sa isang bagay na napakakomplikado. Nang magsalita at gumawa ang mga propeta at ang mga taong iyon na kinasangkapan ng Banal na Espiritu, iyon ay upang gawin ang mga tungkulin ng tao, upang maglingkod sa gampanin ng isang nilikha, at iyon ay isang bagay na kailangang gawin ng tao. Gayunman, ang mga salita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Bagama’t ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang nilikha, ang Kanyang gawain ay hindi upang isagawa ang Kanyang gampanin kundi ang Kanyang ministeryo. Ang katagang “tungkulin” ay ginagamit patungkol sa mga nilikha, samantalang ang “ministeryo” ay ginagamit patungkol sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao. May esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng dalawa; hindi sila maaaring pagpalitin. Ang gawain ng tao ay gampanan lamang ang kanyang tungkulin, samantalang ang gawain ng Diyos ay mamahala, at isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Samakatwid, bagama’t maraming apostol ang kinasangkapan ng Banal na Espiritu at maraming propeta ang napuspos sa Kanya, ang kanilang gawain at mga salita ay para lamang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha. Ang kanilang mga propesiya ay maaaring higit pa sa daan ng buhay na binanggit ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang kanilang pagkatao ay maaari pa ngang higit pa kaysa sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit ginagampanan pa rin nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila nagsagawa ng isang ministeryo. Ang tungkulin ng tao ay tumutukoy sa gampanin ng tao; iyon ang kayang makamtan ng tao. Gayunman, ang ministeryong isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay may kaugnayan sa Kanyang pamamahala, at hindi ito kayang makamtan ng tao. Nagsasalita man ang Diyos na nagkatawang-tao, gumagawa, o nagpapamalas ng mga himala, gumagawa Siya ng dakilang gawain sa gitna ng Kanyang pamamahala, at ang gayong gawain ay hindi magagawa ng tao bilang kahalili Niya. Ang gawain ng tao ay ang gawin lamang ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha sa isang partikular na yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung wala ang pamamahala ng Diyos, ibig sabihin, kung mawawala ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao, mawawala rin ang tungkulin ng isang nilikha. Ang gawain ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang ministeryo ay ang pamahalaan ang tao, samantalang ang paggampan ng tao sa kanyang tungkulin ay pagtupad sa kanyang sariling obligasyon na tugunan ang mga hinihingi ng Lumikha, at hindi maituturing sa anumang paraan na pagsasagawa ng ministeryo ng isang tao. Sa likas na diwa ng Diyos—sa Kanyang Espiritu—ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang pamamahala, ngunit sa Diyos na nagkatawang-tao, na suot ang panlabas na anyo ng isang nilikha, ang Kanyang gawain ay ang pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Anumang gawain ang Kanyang ginagawa ay upang isagawa ang Kanyang ministeryo; ang tanging magagawa ng tao ay gawin ang makakaya nito sa loob ng saklaw ng pamamahala ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang gabay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 161

Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagsabi rin si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga tao, at nagbigkas sila ng mga salita, na dagdag pa rito ay nagmukhang humigit-kumulang na pareho sa tao. Lahat sila ay nagsabi ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay nagsabi ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa kalikasan ng gawain. Para makilatis ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang kalikasan ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman ng kanilang mga salita. Ano’t anuman, kailangan mong isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinabi ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi nagtustos ng buhay sa tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang nakagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Nagsabi rin si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang ituwid ang mga baluktot na aspekto ng tao; pangatlo, maaari Niyang akuin ang gawain ni Jehova, sinisimulan ang susunod na kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maarok ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya ay Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Gawing halimbawa si Isaias para sa paghahambing sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao. Pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinabi ay lagpas sa kanyang kakayahan. Ang mga ito ay mga direktang pagbubunyag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi naunawaan ng ibang mga tao ang mga salitang ito kapag naririnig nila. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspekto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang sabihin yaong hindi kayang makamit ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi iilang tao lang ang sangkot dito, ni hindi nito layon na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang tao, kung paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at kung paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katunayang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na kongkreto sa tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; matitiyak mo lamang na Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao, sa pangunahin, ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, pangunahan ang bagong gawain, at magbukas ng isang bagong saklaw, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta. Sina Isaias, Daniel, at ang iba pa ay pawang nasa uri ng mga taong mataas ang pinag-aralan at edukado; sila ay katangi-tanging mga tao sa ilalim ng pamumuno ni Jehova. Ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay maalam din at hindi nagkulang sa katwiran, ngunit ang Kanyang pagkatao ay partikular na normal. Siya ay isang ordinaryong tao, at hindi makilatis ng mata lamang na mayroon Siyang anumang espesyal na pagkatao o matukoy ang anuman sa Kanyang pagkatao na hindi kagaya ng sa iba. Hinding-hindi Siya sobrenatural o katangi-tangi, hindi mataas ang Kanyang pinag-aralan, at wala Siyang matayog na kaalaman o mga teorya. Ang buhay na Kanyang binanggit at ang landas na Kanyang pinangunahan ay hindi nakamit sa pamamagitan ng teorya, kaalaman, o sa pamamagitan ng karanasan Niya sa pakikitungo sa mundo, ni hindi ito nabuo bilang resulta ng pagpapalaki sa Kanya ng pamilya. Sa halip, ang mga ito ang tuwirang gawain ng Espiritu, na siyang gawain ng nagkatawang-taong laman. Ito ay dahil ang tao ay may malalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at partikular na dahil ang mga kuru-kuro na ito ay binubuo ng napakaraming elementong malabo at higit-sa-karaniwan kaya, sa paningin ng tao, ang normal na Diyos na ito na may kahinaan ng tao, na hindi makagawa ng mga tanda at himala, ay tiyak na hindi Diyos. Hindi ba’t mga walang-katotohanang kuru-kuro ng tao ang mga ito? Kung ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi isang normal na tao, paano masasabing Siya ang nagkatawang-taong laman? Ang maging tao ay ang maging isang ordinaryo at normal na tao; kung Siya ay higit pa sa normal na nilalang, hindi sana Siya naging tao. Para patunayan na Siya ay may katawang-tao, kinailangang taglayin ng Diyos na nagkatawang-tao ang normal na katawan. Ito ay para lamang makumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao. Gayunman, hindi ganito ang sitwasyon ng mga propeta at ng mga anak ng tao. Sila ay mga taong may kaloob na kinasangkapan ng Banal na Espiritu; sa paningin ng tao, ang kanilang pagkatao ay partikular na dakila, at marami silang ginampanang gawain na higit pa sa normal na pagkatao. Dahil dito, itinuring sila ng tao bilang mga diyos. Ngayon ay kailangan ninyong lahat na maunawaan ito nang malinaw, sapagkat matagal nang isyu ito na pinakanagpapalito sa lahat ng tao sa nagdaang mga kapanahunan. Dagdag pa rito, ang pagkakatawang-tao ang pinakamahiwaga sa lahat ng bagay, at ang Diyos na nagkatawang-tao ang pinakamahirap tanggapin ng tao. Ang Aking sinasabi ay nakakatulong sa pagtupad sa inyong tungkulin at sa pag-unawa ninyo sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Lahat ng ito ay may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, sa mga pangitain. Ang inyong pagkaunawa rito ay magiging mas kapaki-pakinabang sa pagtatamo ng kaalaman tungkol sa mga pangitain, ibig sabihin, sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa ganitong paraan, magtatamo rin kayo ng maraming pagkaunawa sa tungkuling dapat gampanan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Bagama’t ang mga salitang ito ay hindi tuwirang nagpapakita sa inyo ng landas, malaking tulong pa rin ang mga ito sa inyong pagpasok, sapagkat ang inyong buhay sa kasalukuyan ay kulang na kulang sa mga pangitain, at magiging malaking balakid ito na pipigil sa inyong pagpasok. Kung hindi ninyo kayang maunawaan ang mga isyung ito, walang motibasyong magtutulak sa inyong pagpasok. At paano kayo mabibigyang-kakayahan ng gayong paghahangad na matupad nang maayos ang inyong tungkulin?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 162

Ang ilang tao ay magtatanong, “Ano ang pagkakaiba ng gawaing isinagawa ng nagkatawang-taong Diyos sa gawain ng mga propeta at mga apostol noon? Si David ay tinawag na panginoon, at si Jesus ay tinawag na Panginoon; bagaman magkaiba ang gawaing kanilang isinagawa, magkatulad ang itinawag sa kanila. Sabihin mo sa akin, bakit magkaiba ang kanilang pagkakakilanlan? Ang nasaksihan ni Juan ay isang pangitain, na nagmula rin sa Banal na Espiritu, at nasabi niya ang mga salitang balak sabihin ng Banal na Espiritu; bakit magkaiba ang pagkakakilanlan ni Juan at ni Jesus?” Ang mga salitang sinabi ni Jesus ay nagawang ganap na kumatawan sa Diyos, at ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Ang nakita ni Juan ay isang pangitain, at wala siyang kakayahan na ganap na kumatawan sa gawain ng Diyos. Bakit nagpahayag ng maraming salita sina Juan, Pedro, at Pablo, gaya ni Jesus, ngunit hindi pareho ang pagkakakilanlan nila kay Jesus? Ito ay pangunahing dahil ang gawaing kanilang ginawa ay magkaiba. Kinatawan ni Jesus ang Espiritu ng Diyos at Siya ang Espiritu ng Diyos na direktang gumagawa. Ginawa Niya ang gawain ng bagong kapanahunan, ang gawain na wala pang nakagawa. Nagbukas Siya ng bagong daan, kinatawan Niya si Jehova, at kinatawan Niya ang Diyos Mismo. Samantalang sina Pedro, Pablo, at David, anuman ang tawag sa kanila, ay kinatawan lamang ng pagkakakilanlan ng isang nilikha, at ipinadala ni Jesus o ni Jehova. Kaya gaano man karami ang gawaing kanilang isinagawa, gaano man kadakila ang mga himalang kanilang ginawa, sila pa rin ay mga nilikha lamang, at walang kakayahang kumatawan sa Espiritu ng Diyos. Sila ay gumawa sa ngalan ng Diyos o matapos ipadala ng Diyos; higit pa rito, sila ay gumawa sa mga kapanahunang pinasimulan ni Jesus o ni Jehova, at hindi sila gumawa ng iba pang gawain. Sila ay, matapos ang lahat, mga nilikha lamang. Sa Lumang Tipan, maraming propeta ang gumawa ng mga propesiya, o nagsulat ng mga aklat ng propesiya. Walang nagsabi na sila ang Diyos, ngunit nang sandaling nagsimulang gumawa si Jesus, ang Espiritu ng Diyos ay nagpatotoo sa Kanya bilang Diyos. Bakit ganoon? Sa puntong ito, dapat ay alam mo na! Noon, ang mga apostol at propeta ay nagsulat ng iba’t ibang kalatas, at gumawa ng maraming propesiya. Kalaunan, pumili ang mga tao ng ilan sa mga ito upang ilagay sa Bibliya, at ang ilan ay nawala. Dahil may mga taong nagsasabi na ang lahat ng kanilang sinabi ay nagmula sa Banal na Espiritu, bakit itinuturing na mabuti ang ilan sa mga ito, at ang ilan ay itinuturing na masama? At bakit napili ang ilan at hindi ang iba? Kung ang mga ito ay talagang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu, kailangan pa bang mamili ng mga tao sa mga ito? Bakit ang mga salaysay ng mga salitang sinabi ni Jesus at ng Kanyang mga ginawang gawain ay magkakaiba sa Apat na Ebanghelyo? Hindi ba ito pagkakamali ng mga nagtala nito? Ang ilang tao ay magtatanong, “Yamang ang mga kalatas na isinulat ni Pablo at ng iba pang mga may-akda ng Bagong Tipan at ang gawaing isinagawa nila ay bahagyang nagmula sa kalooban ng tao, at nahaluan ng mga kuru-kuro ng tao, hindi ba’t may mga karumihan ng tao sa mga salitang ipinapahayag Mo (ang Diyos) ngayon? Hindi ba talaga nagtataglay ang mga ito ng mga kuru-kuro ng tao?” Ang yugtong ito ng gawaing ginagawa ng Diyos ay ganap na iba mula sa ginawa ni Pablo at ng maraming apostol at propeta. Hindi lamang may pagkakaiba sa pagkakakilanlan, kundi pangunahing mayroong pagkakaiba sa gawaing isinasakatuparan. Matapos hampasin at sumubsob si Pablo sa harap ng Panginoon, pinangunahan siya ng Banal na Espiritu upang gumawa, at siya ay naging sugo. At kaya sumulat siya ng mga kalatas sa mga iglesia, at ipinagpatuloy ng lahat ng kalatas na ito ang mga turo ni Jesus. Si Pablo ay isinugo ng Panginoon upang gumawa sa ngalan ng Panginoong Jesus, ngunit nang dumating ang Diyos Mismo, hindi Siya gumawa sa anumang pangalan, at walang ibang kinatawan kundi ang Espiritu ng Diyos sa Kanyang gawain. Dumating ang Diyos upang direktang isagawa ang Kanyang gawain: Hindi Siya ginawang perpekto ng tao, at ang Kanyang gawain ay hindi isinakatuparan ayon sa mga aral ng sinumang tao. Sa yugtong ito ng gawain, hindi nangunguna ang Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng Kanyang mga sariling karanasan, sa halip ay direktang isinasagawa ang Kanyang gawain, ayon sa kung ano ang mayroon Siya. Halimbawa, ang pagsubok sa mga tagapagserbisyo, ang panahon ng pagkastigo, ang pagsubok ng kamatayan, ang panahon ng pagmamahal sa Diyos…. Lahat ng ito ay gawaing hindi pa nagawa noon, at gawain sa kasalukuyang kapanahunan, sa halip na mga karanasan ng tao. Sa mga salitang Aking nasabi, alin ang mga karanasan ng tao? Hindi ba’t ang mga ito ay lahat direktang nagmumula sa Espiritu, at hindi ba’t ipinahayag ng Espiritu ang mga ito? Napakahina lamang ng iyong kakayahan kaya hindi mo matalos ang katotohanan! Ang praktikal na daan ng buhay na Aking sinasabi ay ang gabayan ang landas, at hindi pa kailanman nasabi noon ninuman, ni naranasan ninuman ang landas na ito, o nalaman ang realidad na ito. Bago Ko binigkas ang mga salitang ito, hindi pa ito nasabi ninuman. Wala pang sinuman ang nakapagsalita ng ganoong mga karanasan, ni nakapagsabi kailanman ng ganoong mga detalye, at higit pa rito, wala pang nakapagtukoy sa ganoong mga kalagayan upang ilantad ang mga bagay na ito. Walang sinuman ang nanguna kailanman sa landas na Aking pinangungunahan ngayon, at kung tao ang nangunguna, hindi magkakaroon ng bagong daan. Halimbawa na lang ay sina Pablo at Pedro. Wala silang sarili nilang mga karanasan bago nanguna si Jesus sa landas. Naranasan lang nila ang mga salitang sinabi ni Jesus at ang landas na pinangunahan Niya matapos pangunahan ni Jesus ang landas; mula rito ay nagkaroon sila ng maraming karanasan, at sinulat ang mga kalatas. Kaya, ang mga karanasan ng tao ay hindi katulad ng gawain ng Diyos, at ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng mga kuru-kuro ng tao o ng kaalamang ibinabahagi ng tao batay sa mga karanasan nito. Sinabi Ko na nang paulit-ulit, na umaakay Ako sa bagong landas ngayon, at gumagawa Ako ng bagong gawain, at ang Aking gawain at mga pagbigkas ay iba sa gawain at mga pagbigkas ni Juan at sa lahat ng iba pang mga propeta. Hindi Ako kailanman nagkakamit muna ng mga karanasan at saka ipinapahayag ang mga ito sa inyo—hindi ganyan ang kaso ni anuman. Kung nagkagayon, hindi ba naantala na sana kayo nito noon pa? Noon, ang kaalaman na sinabi ng marami ay medyo matayog din, ngunit ang lahat ng kanilang salita ay binigkas lamang batay sa mga diumano’y espirituwal na tao. Hindi sila gumabay sa daan, kundi nagmula sa kanilang mga karanasan, nagmula sa kanilang mga nakita, at mula sa kanilang kaalaman. Ang ilan ay mula sa kanilang mga kuru-kuro, at ang iba ay binubuo ng karanasan na kanilang nakuha. Ngayon, ang kalikasan ng Aking gawain ay lubos na iba sa kalikasan ng gawain nila. Hindi Ko naranasan na pangunahan ng iba, ni natanggap na gawing perpekto ng iba. Bukod pa rito, ang lahat ng Aking sinabi at ibinahagi ay hindi tulad ng sa kanino man, at hindi pa nasabi ninuman. Ngayon, kahit na sino man kayo, ang inyong gawain ay isinasakatuparan batay sa mga salitang Aking sinasabi. Kung wala ang mga pagbigkas at ang gawaing ito, sino ang magagawang maranasan ang mga bagay na ito (ang pagsubok sa mga tagapagserbisyo, ang panahon ng pagkastigo…), at sino ang magagawang magpahayag ng ganoong pagkakilala? Wala ka ba talagang kakayahang makita ito? Anuman ang hakbang ng gawain, sa sandaling sinabi ang mga salita Ko, nagsisimula kayong magbahaginan ayon sa Aking mga salita, at gumawa ayon sa mga ito, at hindi ito isang daan na naisip ninuman sa inyo. Matapos makarating sa ganito kalayo, hindi mo pa rin ba kayang makita ang ganoon kalinaw at kasimpleng tanong? Hindi ito isang daang naisip ng isang tao, ni batay sa sinumang espirituwal na tao. Ito ay isang bagong landas, at maging ang marami sa mga makalumang salitang binigkas ni Jesus ay napawalang-bisa na. Ang Aking sinasabi ay ang gawain ng pagbubukas ng isang bagong panahon, at ito ay sarili nitong natatanging gawain; ang gawaing Aking ginagawa, at ang mga salitang Aking sinasabi, ay lahat bago. Hindi ba’t ito ang bagong gawain ngayon? Ganito rin ang gawain ni Jesus. Ang Kanyang gawain ay iba rin sa gawain ng mga tao sa templo, at iba rin sa gawain ng mga Pariseo, at wala rin itong pagkakatulad sa ginawa ng lahat ng tao sa Israel. Matapos itong masaksihan, hindi makapagpasya ang mga tao: “Ginawa ba talaga ito ng Diyos?” Hindi sumunod si Jesus sa kautusan ni Jehova; nang Siya ay dumating upang turuan ang tao, ang lahat ng Kanyang sinambit ay bago at naiiba sa mga sinabi ng mga sinaunang banal at propeta sa Lumang Tipan, at dahil dito, nanatiling hindi sigurado ang mga tao. Ito ang dahilan kung bakit mahirap makitungo sa tao. Bago pa man tanggapin ang bagong yugtong ito ng gawain, ang landas na tinahak ng karamihan sa inyo ay ang magsagawa at pumasok batay sa pundasyong inilatag ng mga nagdaang espirituwal na tao. Ngunit ngayon, ang gawaing Aking ginagawa ay ibang-iba, kaya hindi kayo makapagpasya kung ito ba ay tama o hindi. Wala Akong pakialam kung ano ang landas na iyong tinahak noon, hindi rin Ako interesado kung kaninong “pagkain” ang iyong kinain, o kung sino ang itinuring mong “ama.” Yamang Ako ay naparito at nagdala ng bagong gawain upang gabayan ang tao, dapat gawin ng lahat ng sumusunod sa Akin ang Aking sinasabi. Gaano man kalaki ang kapangyarihan ng “pamilya” na iyong pinanggalingan, kailangan mong sumunod sa Akin, hindi ka dapat kumilos ayon sa mga dati mong pagsasagawa, dapat bumaba sa kapangyarihan ang iyong “ama-amahan”, at dapat kang lumapit sa harap ng iyong Diyos upang hanapin ang bahaging nararapat para sa iyo. Ang kabuuan mo ay nasa Aking mga kamay, at hindi ka dapat maglaan ng sobra-sobrang bulag na paniniwala sa ama-amahan mo; hindi ka niya lubusang makokontrol. Ang gawain ngayon ay sarili nitong natatanging gawain. Ang lahat ng sinasabi Ko ngayon ay maliwanag na hindi batay sa saligan mula sa nakaraan; ito ay isang bagong simula. Kung sasabihin mong nilikha ito ng kamay ng tao, masyado ka nang bulag at hindi na maliligtas!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 163

Sina Isaias, Ezekiel, Moises, David, Abraham, at Daniel ay mga pinuno o mga propeta sa mga hinirang na tao sa Israel. Bakit hindi sila tinawag na Diyos? Bakit hindi nagpatotoo ang Banal na Espiritu sa kanila? Bakit nagpatotoo agad ang Banal na Espiritu kay Jesus nang sandaling sinimulan Niya ang Kanyang gawain at sinimulan Niyang ipahayag ang Kanyang mga salita? At bakit hindi nagpatotoo ang Banal na Espiritu sa iba? Silang lahat na mga taong gawa sa laman ay tinawag na “panginoon.” Anuman ang itinawag sa kanila, ang kanilang gawain ang kumakatawan sa kanilang diwa at sa kung ano sila, at ang kanilang diwa at kung ano sila ang kumakatawan sa kanilang pagkakakilanlan. Ang kanilang diwa ay walang kaugnayan sa kanilang katawagan; ito ay kinakatawan ng kanilang ipinahayag, at ng kanilang isinabuhay. Sa Lumang Tipan, hindi espesyal ang matawag na panginoon, at maaaring tawagin ang isang tao na anuman, ngunit ang kanyang diwa at likas na pagkakakilanlan ay hindi nagbabago. Sa mga huwad na cristo, huwad na propeta at mga manlilihis, hindi ba’t mayroon ding mga tinatawag na “Diyos”? At bakit hindi sila Diyos? Dahil wala silang kakayahan na isagawa ang gawain ng Diyos. Sa pinakaugat, sila’y mga tao, mga manlilihis ng mga tao, at hindi Diyos, kaya wala sa kanila ang pagkakakilanlan ng Diyos. Hindi ba’t tinawag din si David na panginoon sa gitna ng labindalawang tribo? Si Jesus ay tinawag ding Panginoon; bakit si Jesus lamang ang tinawag na nagkatawang-taong Diyos? Hindi ba’t tinawag din si Jeremias na “anak ng tao”? At hindi ba’t tinawag din si Jesus na Anak ng tao? Bakit nagawang ipako sa krus si Jesus sa ngalan ng Diyos? Hindi ba’t dahil iba ang Kanyang diwa? Hindi ba’t dahil iba ang gawaing Kanyang isinagawa? Mahalaga ba ang titulo? Bagama’t si Jesus ay tinawag ding Anak ng tao, Siya ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos, dumating Siya upang umako ng kapangyarihan, at tuparin ang gawain ng pagtubos. Pinatutunayan nito na ang pagkakakilanlan at diwa ni Jesus ay naiiba sa ibang tinawag ding anak ng tao. Ngayon, sino sa inyo ang nangangahas na magsabi na ang lahat ng salitang sinabi ng mga ginamit ng Banal na Espiritu ay mula sa Banal na Espiritu? Mayroon bang nangangahas sabihin ang gayong mga bagay? Kung sinasabi mo nga ang gayong mga bagay, bakit iwinaksi ang aklat ng propesiya ni Ezra, at bakit ganoon din ang ginawa sa mga aklat ng mga sinaunang banal at propeta? Kung ang lahat ng iyon ay mula sa Banal na Espiritu, bakit kayo nangangahas gumawa ng ganoong mga arbitraryong pagpili? Karapat-dapat ka bang pumili ng gawain ng Banal na Espiritu? Marami ring kuwento mula sa Israel ang iwinaksi. At kung naniniwala kang ang mga kasulatang ito mula sa nakaraan ay pawang mula sa Banal na Espiritu, kung gayon bakit iwinaksi ang ilan sa mga aklat? Kung ang lahat ng ito ay mula sa Banal na Espiritu, ang lahat ng ito ay dapat pinanatili, at ipinadala sa mga kapatid sa mga iglesia upang basahin, hindi arbitraryong pinili o iwinaksi batay sa kagustuhan ng tao—ito lamang ang magiging tama. Ang pagsasabi na ang mga karanasan nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kanilang mga sariling kabatiran ay hindi nangangahulugan na ang kanilang kaalamang batay sa karanasan ay nagmula kay Satanas, kundi na mayroon lamang silang mga bagay na nagmula sa kanilang mga sariling karanasan at kabatiran. Ang kanilang pagkakilala ay batay sa konteksto ng kanilang mga aktuwal na karanasan noong panahong iyon. Sino ang siguradong makapagsasabi na nagmula ang lahat ng ito sa Banal na Espiritu? Kung nagmula sa Banal na Espiritu ang lahat ng Apat na Ebanghelyo, bakit magkakaiba ang sinabi nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan tungkol sa gawain ni Jesus? Kung hindi kayo naniniwala rito, tingnan ninyo ang mga tala sa Bibliya kung paanong tatlong beses na itinanggi ni Pedro ang Panginoon: Magkakaiba ang lahat ng ito, at bawat isa ay mayroong kanya-kanyang mga katangian. Maraming mangmang ang nagsasabing, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay isa ring tao, kaya ang mga salita ba na Kanyang sinasabi ay maaaring ganap na mula sa Banal na Espiritu? Kung ang mga salita nina Pablo at Juan ay nahaluan ng kalooban ng tao, ang mga salita bang Kanyang sinasabi ay hindi talaga nahaluan ng kalooban ng tao?” Ang mga taong nagsasabi ng ganoong bagay ay mga bulag at mangmang! Basahin ninyo nang mabuti ang Apat na Ebanghelyo: Ang bawat ulat tungkol sa kung ano ang sinabi at ginawa ni Jesus ay halos magkakaibang lahat mula sa bawat tao, at ang bawat manunulat ay mayroong sarili nitong pananaw. Kung ang isinulat ng mga may-akda ng mga aklat na ito ay nagmula lahat sa Banal na Espiritu, dapat magkakatulad at hindi pabago-bago ang lahat ng ito. Kaya bakit mayroong mga pagkakaiba? Hindi ba lubhang hangal ang mga tao para hindi ito makita? Kung hihingin sa iyo na magpatotoo sa Diyos, anong uri ng patotoo ang iyong maibibigay? Makakapagpatotoo ka ba sa Diyos gamit ang ganitong pagkaunawa? Kung tatanungin ka ng iba, “Kung ang mga tala nina Juan at Lucas ay may kahalong kalooban ng tao, ang mga salita bang sinabi ng inyong Diyos ay hindi nahaluan ng kalooban ng tao?” makapagbibigay ka ba ng malinaw na kasagutan? Matapos marinig nina Lucas at Mateo ang mga salita ni Jesus, at makita ang gawain ni Jesus, nangusap sila tungkol sa kanilang sariling kaalaman, dinetalye nila sa kanilang mga paggunita ang ilan sa mga katunayan sa gawaing ginawa ni Jesus. Masasabi mo bang ang kanilang pagkakilala ay lubos na ibinunyag ng Banal na Espiritu? Sa labas ng Bibliya, maraming espirituwal na tao na mayroong mas mataas na pagkakilala kaysa sa kanila; kaya bakit hindi tinanggap ng mga sumunod na salinlahi ang kanilang mga salita? Hindi ba’t ginamit din sila ng Banal na Espiritu? Dapat mong malaman na ang gawaing ginagawa Ko ngayon ay hindi ang gawing pundasyon ang gawain ni Jesus gamit ang sarili Kong mga kabatiran, at hindi rin ang gamitin ang gawain ni Jesus bilang konteksto at pagkatapos ay ibahagi ang sarili Kong pagkakilala. Anong gawain ang isinagawa ni Jesus sa panahong iyon? At ano ang gawaing Aking isinasagawa ngayon? Walang pamamarisan ang Aking ginagawa at sinasabi. Ang landas na Aking tinatahak ngayon ay hindi pa natahak noon, walang sinuman mula sa nakalipas na panahon at salinlahi ang tumahak dito. Ngayon, ito ay hinawan, at hindi ba ito ang gawain ng Espiritu? Bagama’t gawain ito ng Banal na Espiritu, isinakatuparan ng lahat ng mga pinuno noong nakaraan ang kanilang gawain batay sa saligan ng iba; subalit, ang gawain ng Diyos Mismo ay naiiba. Ang yugto ng gawain ni Jesus ay kapareho: Nagbukas Siya ng bagong daan. Nang dumating Siya, nangaral Siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, at sinabi na dapat magsisi at magtapat ang tao. Nang matapos ni Jesus ang Kanyang gawain, sinimulang ipagpatuloy nina Pedro at Pablo at ng iba pa ang gawain ni Jesus. Pagkatapos na maipako si Jesus sa krus at umakyat sa langit, isinugo sila ng Espiritu upang ipangaral ang daan ng krus. Bagama’t matatayog ang mga salita ni Pablo, ang mga ito ay batay rin sa saligang inilatag ng sinabi ni Jesus, katulad ng pagtitiis, pag-ibig, pagdurusa, pagtatakip ng ulo, pagbabautismo, o iba pang mga regulasyon na dapat sundin. Ang lahat ng ito ay sinabi batay sa saligan ng mga salita ni Jesus. Wala silang kakayahan na magbukas ng bagong daan, dahil lahat sila ay mga taong ginamit ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 164

Nang magsalita at gumawa si Jesus noong panahong iyon, hindi Siya sumusunod sa mga regulasyon; hindi Niya isinagawa ang Kanyang gawain ayon sa gawain ng kautusan ng Lumang Tipan. Ito ay isinagawa ayon sa gawain na dapat isagawa sa Kapanahunan ng Biyaya. Nagpatuloy Siya ayon sa gawaing Kanyang inilahad, ayon sa sarili Niyang plano, at ayon sa Kanyang ministeryo; hindi Siya gumawa ayon sa kautusan ng Lumang Tipan. Wala sa Kanyang mga ginawa ang ayon sa kautusan ng Lumang Tipan, at hindi Siya dumating para gumawa upang tuparin ang mga salita ng mga propeta. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay hindi ginawa para lamang tuparin ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta, at hindi Siya pumarito upang sumunod sa mga regulasyon o sadyang isakatuparan ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta. Gayumpaman, hindi ginambala ng Kanyang mga kilos ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta, ni ginulo ang gawain na nauna na Niyang naisagawa. Ang kapansin-pansing bahagi ng Kanyang gawain ay ang hindi sumunod sa anumang mga regulasyon, at sa halip ay ang paggawa ng gawain na Siya Mismo ang dapat gumawa. Hindi Siya isang propeta o manghuhula, kundi isang tagagawa, na sa katunayan ay pumarito upang isagawa ang gawaing dapat Niyang gawin, at upang magbukas ng Kanyang bagong panahon at isakatuparan ang Kanyang bagong gawain. Siyempre, nang dumating si Jesus upang isagawa ang Kanyang gawain, tinupad Niya rin ang marami sa mga salita na sinabi ng mga sinaunang propeta sa Lumang Tipan. Gayon din, tinupad ng gawain ngayon ang mga propesiya ng mga sinaunang propeta ng Lumang Tipan. Hindi Ko nga lamang tinutukoy ang “lumang almanak” na iyon, iyon lang, sapagkat marami pang gawain ang kailangan Kong gawin, at marami pang salita ang dapat Kong sabihin sa inyo, na kapwa higit na mas mahalaga kaysa sa pagpapaliwanag ng mga sipi mula sa Bibliya, at dahil ang gawaing gaya noon ay walang malaking kabuluhan o halaga para sa inyo, at hindi kayo matutulungan o mababago. Gagawa Ako ng bagong gawain hindi para tuparin ang anumang sipi mula sa Bibliya. Kung dumating lang ang Diyos sa lupa upang tuparin ang mga salita ng mga sinaunang propeta sa Bibliya, sino ang mas dakila, ang Diyos na nagkatawang-tao o ang mga sinaunang propeta? Kung tutuusin, ang mga propeta ba ang namumuno sa Diyos, o ang Diyos ang namumuno sa mga propeta? Paano mo ipaliliwanag ang mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 165

Ang bawat hakbang sa gawain ng Diyos ay sumusunod sa iisang agos, at kaya sa anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, ang bawat hakbang ay malapit na sinundan ng kasunod, mula sa pagkakatatag ng mundo hanggang sa kasalukuyan. Kung walang maglalatag ng daan, walang makasusunod; dahil may mga nakasunod, may mga naglatag ng daan. Sa ganitong paraan naipasa ang gawain nang paisa-isang hakbang, na ang bawat hakbang ay nagsisilbing pagpapatuloy ng nauna. Kung walang nagbukas ng daan, naging imposible sanang simulan ang gawain, at wala sanang naging paraan ang Diyos upang isulong ang Kanyang gawain. Walang hakbang ang gumagambala sa iba, at ang bawat isa ay sumusunod sa iba para bumuo ng daloy; ang lahat ng ito ay isinasagawa ng iisang Espiritu. Ngunit kung nagbukas man ng daan ang isang tao o ipinagpatuloy ang gawain ng isa pa, hindi ito ang nagpapasya ng kanilang pagkakakilanlan. Hindi ba tama ito? Si Juan ang nagbukas ng daan, at ipinagpatuloy ni Jesus ang kanyang gawain, kaya nagpapatunay ba ito na ang pagkakakilanlan ni Jesus ay mas mababa sa pagkakakilanlan ni Juan? Isinagawa ni Jehova ang Kanyang gawain bago si Jesus, kaya, masasabi mo ba na mas dakila si Jehova kaysa kay Jesus? Hindi mahalaga kung sila man ay naglatag ng daan o nagpatuloy ng gawain ng iba; ang pinakamahalaga ay ang diwa ng kanilang gawain, at ang pagkakakilanlan na kanilang kinakatawan. Hindi ba’t tama ito? Dahil nilayon ng Diyos na gumawa sa kalagitnaan ng tao, kinailangan Niyang mag-angat ng mga taong kayang gawin ang gawain ng paglalatag ng daan. Nang nagsimula pa lang na mangaral si Juan, kanyang sinabi, “Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang Kaniyang mga landas.” “Mangagsisi kayo; sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.” Nangusap siya sa ganoong paraan mula sa pinakasimula, at bakit niya nasabi ang mga salitang ito? Batay sa pagkakasunod-sunod ng pagkakasabi ng mga salitang ito, si Juan ang unang nangusap ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, at si Jesus ang sumunod na nangusap. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, si Juan ang nagbukas ng bagong landas, kaya siyempre mas dakila si Juan kaysa kay Jesus. Ngunit hindi sinabi ni Juan na siya ay Cristo, at hindi nagpatotoo ang Diyos sa kanya bilang minamahal na Anak ng Diyos, kundi ginamit lang siya upang buksan at ihanda ang daan para sa Panginoon. Siya ang naglatag ng daan para kay Jesus, ngunit hindi siya maaaring gumawa sa ngalan ni Jesus. Ang lahat ng gawain ng tao ay itinaguyod din ng Banal na Espiritu.

Sa kapanahunan ng Lumang Tipan, si Jehova ang nanguna sa daan, at kumatawan ang gawain ni Jehova sa buong kapanahunan ng Lumang Tipan, at sa lahat ng gawaing isinagawa sa Israel. Pinanatili lang ni Moises ang gawaing ito sa lupa, at ang kanyang gawain ay itinuturing na pakikipagtulungan ng tao. Sa panahong iyon, si Jehova ang nangusap, tumawag kay Moises, at inangat Niya si Moises sa gitna ng mga tao ng Israel, at idinulot na pangunahan ni Moises ang mga tao patungo sa ilang at papunta sa Canaan. Hindi ito gawain ni Moises mismo, kundi personal na iniutos ni Jehova, kaya si Moises ay hindi maaaring tawaging Diyos. Naglatag din si Moises ng kautusan, ngunit ang kautusang ito ay personal na iniatas ni Jehova. Iyon nga lamang, hinayaan Niya na si Moises ang magpahayag nito. Gumawa rin si Jesus ng mga utos, at pinawalang-bisa ang kautusan sa Lumang Tipan at ibinigay ang mga utos para sa bagong kapanahunan. Bakit si Jesus ay Diyos Mismo? Dahil magkaiba ang gawain ni Moises at ang gawain ni Jesus. Sa panahong iyon, ang gawaing isinagawa ni Moises ay hindi kumatawan sa kapanahunan, ni nagbukas ng bagong landas; si Jehova ang nangunguna sa daan at nagpapatnubay sa gawain ni Moises, at si Moises ay isa lamang taong ginamit ng Diyos. Nang dumating si Jesus, nagsagawa na si Juan ng isang hakbang ng gawain ng paglalatag ng daan, at nagsimula nang ipangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit (sinimulan ito ng Banal na Espiritu). Nang dumating si Jesus, direkta Niyang isinagawa ang Kanyang sariling gawain, ngunit may malaking pagkakaiba sa Kanyang gawain at sa gawain ni Moises. Si Isaias ay nagpahayag din ng maraming propesiya, ngunit bakit hindi siya ang Diyos Mismo? Hindi nagpahayag ng napakaraming propesiya si Jesus, ngunit bakit Siya ang Diyos Mismo? Walang naglakas-loob na magsabi na ang gawain ni Jesus sa panahong iyon ay nagmulang lahat sa Banal na Espiritu, ni naglakas-loob na sabihin na lahat ng iyon ay nagmula sa kalooban ng tao, o na ito ay ganap na gawain ng Diyos Mismo. Walang paraan ang tao para suriin ang ganoong mga bagay. Maaaring sabihin na ang gawaing ginawa ni Isaias at ang mga propesiyang binigkas niya ay lahat nagmula sa Banal na Espiritu; hindi direktang nagmula ang mga ito kay Isaias mismo, kundi mga inspirasyon mula kay Jehova. Hindi nagsagawa ng maraming gawain si Jesus, at hindi nangusap ng maraming salita, ni nagpahayag Siya ng maraming propesiya. Para sa tao, ang Kanyang pangangaral ay hindi nagmistulang partikular na matayog, ngunit Siya ang Diyos Mismo, at hindi ito maipapaliwanag ng tao. Walang sinuman ang nanampalataya kay Juan kailanman, o kay Isaias, o kay David, ni walang sinuman ang tumawag sa kanila na Diyos, o Diyos na David, o Diyos na Juan; wala pang nagsabi ng ganoon, at si Jesus lang ang kailanman ay tinawag na Cristo. Ang pag-uuring ito ay ginawa ayon sa patotoo ng Diyos, sa isinagawa Niyang gawain, at sa ministeryong Kanyang isinakatuparan. Kaugnay ng mga dakilang tao sa Bibliya—sina Abraham, David, Josue, Daniel, Isaias, Juan at Jesus—sa pamamagitan ng gawaing kanilang isinagawa, masasabi mo kung sino ang Diyos Mismo, at kung aling mga uri ng tao ang mga propeta at kung alin ang mga apostol. Kung sino ang ginagamit ng Diyos, at kung sino ang Diyos Mismo, ay napagkaiba at natukoy sa pamamagitan ng kanilang diwa at uri ng gawain na kanilang isinagawa. Kung hindi mo kayang makita ang pagkakaiba, nagpapatunay ito na hindi mo alam ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos. Si Jesus ay Diyos dahil nangusap Siya ng napakaraming salita, at nagsagawa ng napakaraming gawain, sa partikular ang pagpapamalas Niya ng maraming himala. Gayundin, si Juan ay nagsagawa rin ng maraming gawain, at nangusap ng maraming salita, gayundin si Moises; bakit hindi sila tinawag na Diyos? Si Adan ay direktang nilikha ng Diyos; bakit hindi siya tinawag na Diyos, sa halip ay tinawag lang na nilikha? Kung may magsasabi sa iyo, “Ngayon, nagsagawa ng napakaraming gawain ang Diyos, at nangusap ng napakaraming salita; Siya ang Diyos Mismo. Samakatwid, dapat ding Diyos Mismo si Moises dahil siya ay nangusap ng napakaraming salita!” dapat may ganting-tanong ka sa kanila, “Sa panahong iyon, bakit nagpatotoo ang Diyos kay Jesus, at hindi kay Juan, bilang Diyos Mismo? Hindi ba naunang dumating si Juan kaysa kay Jesus? Alin ang mas dakila, ang gawain ni Juan o ni Jesus? Para sa tao, nagmimistulang mas dakila ang gawain ni Juan kaysa sa gawain ni Jesus, ngunit bakit nagpatotoo ang Banal na Espiritu kay Jesus, at hindi kay Juan?” Pareho ang nangyayari sa ngayon! Noong panahong iyon, nang pinangunahan ni Moises ang mga tao ng Israel, nangusap si Jehova sa kanya mula sa mga ulap. Hindi direktang nangusap si Moises, kundi sa halip ay direkta siyang pinangunahan ni Jehova. Ito ang gawain sa Israel ng Lumang Tipan. Wala kay Moises ang Espiritu, ni ang pagiging Diyos ng Diyos. Hindi niya magagawa ang gawaing iyon, kaya mayroong malaking pagkakaiba sa pagitan ng gawaing kanyang ginawa at sa ginawa ni Jesus. At ito ay dahil ang isinagawa nilang gawain ay magkaiba! Kung ang isang tao ay ginamit ng Diyos, o isang propeta, o apostol, o ang Diyos Mismo, ito ay makikilatis sa pamamagitan ng kalikasan ng kanyang gawain, at ito ang magwawakas sa iyong mga pagdududa. Nakasaad sa Bibliya na tanging ang Kordero ang makapagbubukas sa pitong tatak. Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami sa mga dakilang tao na iyon ang naging tagapagpaliwanag ng mga banal na Kasulatan, kaya masasabi mo bang lahat sila ay ang Kordero? Masasabi mo bang ang kanilang mga paliwanag ay mula lahat sa Diyos? Sila ay mga tagapagpaliwanag lang; wala silang pagkakakilanlan ng Kordero. Paano sila magiging karapat-dapat na magbukas ng pitong tatak? Totoo na “Tanging ang Kordero ang makapagbubukas ng pitong tatak,” ngunit hindi Siya pumarito upang buksan lamang ang pitong tatak. Hindi pangunahin ang gawaing ito; ginagawa ito bilang pandagdag. Siya ay ganap na malinaw tungkol sa Kanyang sariling gawain; kailangan ba Niyang maglaan ng maraming oras upang ipaliwanag ang mga banal na Kasulatan? Kailangan bang idagdag “ang Kapanahunan ng Pagpapaliwanag ng Kordero sa mga Banal na Kasulatan” sa anim na libong taon ng gawain? Pumarito Siya upang magsagawa ng bagong gawain, at kaunti lamang tungkol sa gawain sa mga nakalipas na panahon ang ipinapaalam Niya, na tumutulong sa mga tao na maunawaan ang katotohanan tungkol sa anim na libong taong gawain. Hindi na kailangang ipaliwanag ang napakaraming sipi mula sa Bibliya; ang susi ay ang kasalukuyang gawain, iyon ang mahalaga. Dapat mong malaman na hindi dumating ang Diyos para lamang magbukas ng pitong tatak, kundi upang isagawa ang gawain ng pagliligtas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 166

Sa Kapanahunan ng Biyaya, inihanda ni Juan ang daan para kay Jesus. Hindi kayang gawin ni Juan ang gawain ng Diyos Mismo kundi tinupad lamang ang tungkulin ng tao. Kahit si Juan ang tagapagpauna ng Panginoon, hindi niya kayang katawanin ang Diyos; isa lamang siyang tao na ginamit ng Banal na Espiritu. Kasunod ng bautismo ni Jesus, ang Banal na Espiritu ay bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati. Pagkatapos, sinimulan na Niya ang Kanyang gawain, iyon ay, sinimulan Niyang isagawa ang ministeryo ni Cristo. Iyon ang dahilan kung bakit tinaglay Niya ang pagkakakilanlan ng Diyos, sapagkat Siya ay nagmula sa Diyos. Paano man ang Kanyang pananampalataya bago ito—maaaring mahina ito kung minsan, o kung minsan ay malakas—iyon ay pawang nabibilang sa Kanyang normal na buhay bilang tao bago Niya ginawa ang Kanyang ministeryo. Pagkatapos Siyang bautismuhan (ibig sabihin, pahiran), agad na napasa-Kanya ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng Diyos, at sa gayon ay nagsimula Siyang ganapin ang Kanyang ministeryo. Kaya Niyang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan, gumawa ng mga himala, at mayroon Siyang kapangyarihan at awtoridad, sapagkat Siya ay gumagawa nang direkta sa ngalan ng Diyos Mismo; ginagawa Niya ang gawain ng Espiritu na kahalili Niya at ipinapahayag ang tinig ng Espiritu. Samakatwid, Siya ang Diyos Mismo; hindi ito mapag-aalinlanganan. Si Juan ay isang taong ginamit ng Banal na Espiritu. Hindi niya kayang katawanin ang Diyos, at hindi rin posible para sa kanya na kumatawan sa Diyos. Kung ninais niya na gawin ito, hindi ito papayagan ng Banal na Espiritu, sapagkat hindi niya kayang gawin ang gawain na nilayon ng Diyos Mismo na gawin. Marahil marami sa kanya ang nagmula sa kalooban ng tao, o ilang paglihis; hindi niya kailanman maaaring direktang katawanin ang Diyos. Kinakatawan lamang ng kanyang mga pagkakamali at pagkabaligho ang sarili niya, ngunit kinakatawan ng kanyang gawain ang Banal na Espiritu. Gayumpaman, hindi mo maaaring sabihing kinakatawan ng lahat sa kanya ang Diyos. Kaya ba ng kanyang pagkabaluktot na katawanin din ang Diyos? Normal na magkaroon ng mga pagkabaluktot sa pagkatawan sa tao, ngunit kung mayroong mga paglihis sa pagkatawan sa Diyos, hindi ba iyan sisira sa puri ng Diyos? Hindi ba iyan kalapastanganan laban sa Banal na Espiritu? Hindi basta pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang isang tao na tumayo sa lugar ng Diyos, kahit na itinataas siya ng iba. Kung hindi siya ang Diyos, hindi niya magagawang manindigan sa katapusan. Hindi pinapahintulutan ng Banal na Espiritu ang tao na kumatawan sa Diyos ayon sa pagnanais ng tao! Halimbawa, ang Banal na Espiritu ang nagpatotoo kay Juan, at ang Banal na Espiritu rin ang nagbunyag na siya ang maghahanda ng daan para kay Jesus, ngunit balanse ang gawain na ginawa sa kanya ng Banal na Espiritu. Ang tanging hiningi kay Juan ay ang maging tagahanda ng daan para kay Jesus, ang ihanda ang daan para sa Kanya. Ibig sabihin, itinaguyod lamang ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain sa paghahanda ng daan at pinahintulutan lamang siya na gawin ang ganoong gawain—hindi siya pinahintulutang gumawa ng iba pang gawain. Kinatawan ni Juan si Elias, at kinatawan niya ang isang propeta na naghanda ng daan. Itinaguyod siya rito ng Banal na Espiritu; hangga’t ang kanyang gawain ay ang ihanda ang daan, itinaguyod siya ng Banal na Espiritu. Subalit, kung inako niyang siya ang Diyos Mismo at sinabing dumating siya upang tapusin ang gawain ng pagtubos, kinailangan sana siyang disiplinahin ng Banal na Espiritu. Gaano man kadakila ang gawain ni Juan, at itinaguyod man ito ng Banal na Espiritu, mayroong mga hangganan ang kanyang gawain. Ang kanyang gawain ay totoong itinaguyod ng Banal na Espiritu, ngunit limitado sa paghahanda ng daan ang kapangyarihan na ibinigay sa kanya sa oras na iyon. Hindi niya magawa, sa anumang paraan, ang anumang iba pang gawain, dahil siya lamang ay si Juan na naghanda ng daan, at hindi si Jesus. Samakatwid, susi ang patotoo ng Banal na Espiritu, ngunit mas mahalaga pa ang gawain na pinapahintulutan ng Banal na Espiritu na gawin ng tao. Hindi ba’t matunog na pinatotohanan si Juan noong panahong iyon? Hindi ba’t dakila rin ang kanyang gawain? Ngunit hindi malampasan ng gawain na kanyang ginawa iyong kay Jesus, sapagkat siya ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu at hindi maaaring tuwirang kumatawan sa Diyos, at kaya ang gawain na kanyang ginawa ay limitado. Pagkaraan niyang matapos ang gawain ng paghahanda ng daan, hindi na itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang patotoo, walang bagong gawain ang sumunod sa kanya, at siya ay umalis nang magsimula ang gawain ng Diyos Mismo.

May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at malakas na sumisigaw ng, “Ako ang diyos!” Ngunit sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano mo man itinataas ang iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilikha pa rin at isa na kay Satanas. Kailanman ay hindi Ako sumisigaw ng, “Ako ang Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Ngunit ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagdadakila. Ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain at hindi kailangan ng Diyos na bigyan Siya ng tao ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: kinakatawan na ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba’t si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos Siya pagkatapos lamang Niyang mapatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa matagal na panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi mo kayang maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo kayang ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o iyong sa Espiritu. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging di-maarok ng Diyos, at ang buong disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao—lahat ng ito ay higit sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya walang saysay na angkinin mo na ikaw ang Diyos; magkakaroon ka lamang ng pangalan ngunit hindi ng diwa. Dumating na ang Diyos Mismo, ngunit walang nakakakilala sa Kanya, gayunman patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Tawagin mo man Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, hindi ito mahalaga. Ngunit ang gawaing ginagawa Niya ay iyong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Hindi mahalaga sa Kanya ang pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang madikta ng pangalang iyon ang Kanyang gawain? Anuman ang itawag mo sa Kanya, sa pananaw ng Diyos, Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at sinasang-ayunan Siya ng Espiritu. Kung hindi mo kayang buksan ang landas para sa isang bagong kapanahunan, o tapusin ang lumang kapanahunan, o magbukas ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain, hindi ka maaaring tawaging Diyos!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 167

Kahit ang isang tao na ginagamit ng Banal na Espiritu ay hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo. Hindi lamang hindi maaaring kumatawan ang taong ito sa Diyos, ngunit hindi rin maaaring direktang kumatawan sa Diyos ang gawaing kanyang ginagawa. Ibig sabihin niyan, hindi maaaring direktang ilagay sa loob ng pamamahala ng Diyos ang mga karanasan ng tao, at hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa pamamahala ng Diyos. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing nilalayon Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng mga tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang mga indibidwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan maliban sa mga nilakaran ng mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid habang nasa ilalim ng gabay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang mga indibidwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang akayin ang mga tao sa daloy ng Banal na Espiritu, hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspekto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong landas, lalong hindi matatapos ng sinuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilikha na gumagampan ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumagampan ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad ng ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng pagbubukas ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay paggampan ng kanyang tungkulin bilang isang nilikha at ito ay ginagawa kapag inaantig o binibigyang-liwanag siya ng Banal na Espiritu. Ang gabay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao nang alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Hindi nauugnay ang gawain ng tao sa pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo ng pananatili sa loob ng Bibliya. Kung ito man ay para itayong muli ang lokal na simbahan o magtayo ng lokal na simbahan, ang kanilang gawain ay may kinalaman sa pagtatatag ng mga simbahan. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang itatag muli ang hiningi ni Jesus, sa Kanyang gawain noon, sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagtanggap ng bautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili sa Bibliya at maghanap ng mga landas na nakapaloob sa Bibliya. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong landas na nakapaloob sa Bibliya, gayundin ang mas mahusay at mas praktikal na mga pagsasagawa. Ngunit hindi mahahanap sa kanilang gawain ang mga kasalukuyang layunin ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na nilalayong gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagpapanibago at walang pagsulong. Nagpatuloy silang kumapit sa katunayan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, sa pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, sa mga kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas at na ang lalaki ang ulo ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa, at lalo na sa tradisyonal na kuru-kuro na hindi puwedeng mangaral ang mga kapatid na babae, kundi sumunod lamang. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay patuloy na sinunod, hindi sana kailanman nagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa mga regulasyon, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang mundo ng kalayaan at kagandahan. Samakatwid, ang yugtong ito ng gawain, na binabago ang kapanahunan, ay nangangailangan na ang Diyos Mismo ang gumawa at bumigkas; kung hindi, walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay huminto, at iyong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng direksyon. Samakatwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na layong gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay mayroong magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga pare-parehong gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi kayang ipahayag ng kanilang ginagawa ang disposisyon at ang mga layunin ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, at hindi upang gumawa ng bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilikha. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta at tuwiran Siya sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa paggampan ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Niyang ipinapahayag ang gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad ng sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagsasaalang-alang at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang hakbang-hakbang na proseso at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos pa rin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 168

Si Juan ay isinilang sa pamamagitan ng pangako, katulad ng pagkakasilang ni Isaac kay Abraham. Inihanda niya ang daan para kay Jesus at gumawa ng maraming gawain, ngunit hindi siya Diyos. Sa halip, isa siya sa mga propeta sapagkat inihanda lamang niya ang daan para kay Jesus. Ang kanyang gawain ay dakila rin, at pagkatapos lamang niyang naihanda ang daan saka opisyal na nagsimula ang gawain ni Jesus. Sa diwa, siya ay nagserbisyo lamang para kay Jesus, at ang kanyang gawain ay paglilingkod sa gawain ni Jesus. Pagkatapos niyang ihanda ang daan, sinimulan ni Jesus ang Kanyang gawain, gawaing mas bago, mas kongkreto, at mas detalyado. Ginawa lamang ni Juan ang panimulang gawain; kalakhan ng bagong gawain ay ginawa ni Jesus. Si Juan ay gumawa rin ng bagong gawain, ngunit hindi siya ang nagbukas ng isang bagong kapanahunan. Ipinanganak si Juan sa pamamagitan ng pangako, at ibinigay ng anghel ang kanyang pangalan. Sa oras na iyon, nais ng ilan na isunod ang kanyang pangalan sa kanyang ama na si Zacarias, ngunit nagsalita ang kanyang ina, na nagsabi, “Ang batang ito ay hindi maaaring tawagin sa pangalan na iyan. Dapat siyang tawagin na Juan.” Iniutos itong lahat ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay pinangalanan din ayon sa utos ng Banal na Espiritu, ipinanganak Siya ng Banal na Espiritu, at ipinangako Siya ng Banal na Espiritu. Si Jesus ay ang Diyos, si Cristo, at ang Anak ng tao. Dakila rin ang gawain ni Juan, ngunit bakit hindi siya tinawag na Diyos? Ano mismo ang pagkakaiba ng gawain na ginawa ni Jesus at ng ginawa ni Juan? Ang tanging dahilan lamang ba ay si Juan ang naghanda ng daan para kay Jesus? O dahil pauna na itong inorden ng Diyos? Kahit na sinabi rin ni Juan, “Mangagsisi kayo: sapagkat malapit na ang kaharian ng langit,” at nangaral din siya ng ebanghelyo ng kaharian ng langit, ang kanyang gawain ay hindi na pinaunlad pa at nasa panimulang yugto pa lang. Sa kaibhan, inihatid ni Jesus ang isang bagong kapanahunan at dinala rin ang lumang kapanahunan sa katapusan, ngunit tinupad din Niya ang kautusan ng Lumang Tipan. Mas dakila ang gawain na ginawa Niya kaysa sa gawain ni Juan, at bukod pa rito, pumarito Siya upang tubusin ang buong sangkatauhan—ginampanan Niya ang yugto ng gawaing iyon. Tungkol naman kay Juan, naghanda lamang siya ng daan. Kahit na dakila ang kanyang gawain, marami siyang salita, at maraming alagad ang sumunod sa kanya, walang higit na ibinunga ang kanyang gawain kundi dalhin ang isang bagong simula sa tao. Hindi kailanman nakatanggap mula sa kanya ang tao ng buhay, ng daan, o ng mas malalalim na katotohanan, at wala rin silang nakamit na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos sa pamamagitan niya. Si Juan ay isang dakilang propeta (Elias) na nagbukas ng lugar para sa gawain ni Jesus at naghanda sa mga kandidato; siya ang tagapagpauna ng Kapanahunan ng Biyaya. Hinding-hindi makikilatis ang ganitong mga bagay sa pamamagitan ng pagmamasid sa kanilang mga normal na anyong tao. Lalo na dahil gumawa rin ng napakalaking gawain si Juan at, higit pa rito, ipinangako siya ng Banal na Espiritu, at itinaguyod ng Banal na Espiritu ang kanyang gawain. Dahil dito, ang pagtukoy sa pagkakaiba ng kani-kanilang pagkakakilanlan ay maaari lamang magawa sa pamamagitan ng gawaing ginawa nila, sapagkat hindi masasabi ang diwa ng isang tao sa kanyang panlabas na anyo, at hindi rin kaya ng tao na tiyakin kung ano ang kalikasan ng patotoo ng Banal na Espiritu. Ang gawain na ginawa ni Juan at ang ginawa ni Jesus ay hindi magkatulad at magkaiba ng kalikasan. Dapat matukoy ng isang tao kung Diyos ba si Juan o hindi batay rito. Ang gawain ni Jesus ay ang magsimula, magpatuloy, tumapos, at tumupad. Isinagawa ni Jesus ang bawat isa sa mga hakbang na ito, samantalang ang gawain ni Juan ay hindi hihigit sa pagsisimula. Sa simula, ipinangaral ni Jesus ang ebanghelyo at ipinangaral ang daan ng pagsisisi, pagkatapos ay nagbautismo ng tao, nagpagaling ng mga maysakit, at nagpalayas ng mga demonyo. Sa katapusan, tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kinumpleto ang Kanyang gawain para sa buong kapanahunan. Nagpunta rin Siya sa bawat lugar, nangangaral sa tao at ipinapangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Ito ay pareho kay Juan, na ang pagkakaiba ay dahil naghatid si Jesus ng isang bagong kapanahunan at nagdala sa tao ng Kapanahunan ng Biyaya. Lumabas mula sa Kanyang bibig ang salita tungkol sa dapat isagawa ng tao at ang daan na dapat sundan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa katapusan, tinapos Niya ang gawain ng pagtubos. Hindi kailanman maisagawa ni Juan ang gayong gawain. At sa gayon, si Jesus ang gumawa ng gawain ng Diyos Mismo, at Siya ang Diyos Mismo at direktang kumakatawan sa Diyos. Sinasabi ng mga kuru-kuro ng tao na lahat ng isinilang sa pamamagitan ng pangako, isinilang ng Espiritu, pinagtibay ng Banal na Espiritu, at ang nagbukas ng mga bagong daan palabas ay ang Diyos. Alinsunod sa katwirang ito, si Juan ay ang Diyos din, at si Moises, si Abraham, at si David…, lahat sila ay ang Diyos din. Hindi ba ito isang malaking biro?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 169

Maaaring magtaka ang ilan, “Bakit kinakailangang ang kapanahunan ay ihatid ng Diyos Mismo? Hindi ba maaaring ang isang nilikha ay tumayo na kahalili Niya?” Batid ninyong lahat na naging tao ang Diyos para sa mismong layunin ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan, at, siyempre, kapag inihahatid Niya ang isang bagong kapanahunan, kasabay nito ay natapos na rin Niya ang naunang kapanahunan. Ang Diyos ang Simula at ang Katapusan; Siya Mismo ang nagpapasimulang magpatakbo ng Kanyang gawain at kaya dapat Siya Mismo ang tatapos sa naunang kapanahunan. Iyon ang patunay ng pagtalo Niya kay Satanas at ng Kanyang paggapi sa mundo. Tuwing gumagawa Siya Mismo sa gitna ng sangkatauhan, ito ay simula ng isang bagong labanan. Kung walang pagsisimula ng bagong gawain, natural na walang magiging pagtatapos ng luma. At kapag walang pagtatapos ng luma, patunay ito na ang pakikipaglaban kay Satanas ay hindi pa natatapos. Tanging kung ang Diyos Mismo ang dumating at nagsasakatuparan ng bagong gawain sa gitna ng tao, saka lang ganap na makakalaya ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas at makakatamo ng isang bagong buhay at bagong simula. Kung hindi, mamumuhay magpakailanman ang tao sa lumang kapanahunan at mamumuhay magpakailanman sa ilalim ng lumang impluwensiya ni Satanas. Sa bawat kapanahunan na pinangunahan ng Diyos, ang isang bahagi ng tao ay napapalaya, at sa gayon ay sumusulong ang tao kasama ng gawain ng Diyos patungo sa bagong kapanahunan. Ang tagumpay ng Diyos ay tagumpay ng lahat ng sumusunod sa Kanya. Kung ang nilikhang sangkatauhan ang nakaatas na magtapos ng kapanahunan, sa pananaw man ng tao o ni Satanas, ito ay walang iba kundi isang gawa na sumasalungat o nagkakanulo sa Diyos, hindi ng pagpapasakop sa Diyos, at ang gawa ng tao ay magagamit ni Satanas laban sa tao. Magiging ganap na kumbinsido lamang si Satanas kung magpapasakop at susunod ang tao sa Diyos sa isang kapanahunan na inihatid ng Diyos Mismo, dahil iyon ang tungkulin ng isang nilikha. Kaya sinasabi Ko na kailangan lamang ninyong sumunod at magpasakop, at wala nang ibang hinihingi sa inyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagtupad ng bawat isa sa kanyang tungkulin at paggampan ng kanyang kaukulang papel. Ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain at hindi kailangan ang tao na humalili sa paggawa ng Kanyang gawain, at hindi rin Siya nakikibahagi sa gawain ng mga nilikha. Ginagawa ng tao ang kanyang sariling tungkulin at hindi lumalahok sa gawain ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagpapasakop, at ito ay patunay ng pagkatalo ni Satanas. Pagkatapos ng Diyos Mismo na maghatid ng bagong kapanahunan, hindi na Siya Mismo bumababa para gumawa sa gitna ng tao. Pagkatapos noon saka lamang opisyal na humahakbang ang tao patungo sa bagong kapanahunan para gawin ang kanyang tungkulin at tuparin ang kanyang misyon bilang isang nilikha. Ito ang mga prinsipyo ng paggawa ng Diyos, na hindi maaaring suwayin ninuman. Ang ganitong paraan lamang ng paggawa ang wasto at makatwiran. Ang gawain ng Diyos ay ginagawa ng Diyos Mismo. Siya ang nagpapasimulang magpatakbo ng Kanyang gawain, at Siya ang tumatapos nito. Siya ang nagpaplano ng gawain, at Siya ang namamahala nito, at higit pa rito, Siya ang tumutupad sa gawain. Tulad ng nakasaad sa Bibliya, “Ako ang Pasimula at ang Katapusan; Ako ang Tagahasik at ang Tagaani.” Ang lahat ng gawaing ito na may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos ay ginagawa Niya Mismo. Siya ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa anim-na-libong taong plano ng pamamahala; walang sinuman ang makakahalili sa paggawa ng Kanyang gawain o makakapagtapos ng Kanyang gawain, dahil Siya ang may hawak ng lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay. Dahil nilikha Niya ang mundo, aakayin Niya ang buong mundo na mamuhay sa Kanyang liwanag, at tiyak na tatapusin Niya rin ang buong kapanahunan, sa gayon ay naisasakatuparan ang Kanyang buong plano!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 170

Ang buong disposisyon ng Diyos ay naibunyag sa buong anim na libong taong plano ng pamamahala. Ito ay hindi lamang naibunyag sa Kapanahunan ng Biyaya, ni sa Kapanahunan ng Kautusan, at lalong hindi lamang sa panahong ito ng mga huling araw. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay kumakatawan sa paghatol, poot at pagkastigo. Ang gawain na isinasagawa sa mga huling araw ay hindi maaaring pumalit sa gawain sa Kapanahunan ng Kautusan o doon sa Kapanahunan ng Biyaya. Gayunman, ang tatlong yugto, na magkakaugnay, ay bumubuo ng iisang entidad, at lahat ay gawain ng iisang Diyos. Natural, ang pagtupad ng gawaing ito ay nahahati sa magkakahiwalay na mga kapanahunan. Ang gawaing ginagampanan sa mga huling araw ay nagdadala sa lahat ng bagay sa katapusan; yaong ginawa sa Kapanahunan ng Kautusan ay ang gawain ng pagsisimula; at yaong ginawa sa Kapanahunan ng Biyaya ay ang gawain ng pagtubos. Para naman sa mga pangitain ng gawain sa buong anim na libong taong plano ng pamamahalang ito, walang maaaring magkaroon ng kabatiran o pagkaunawa, at ang mga gayong pangitain ay nananatiling mga palaisipan. Sa mga huling araw, tanging ang gawain ng salita ang isinasakatuparan upang ihatid ang Kapanahunan ng Kaharian, ngunit hindi ito kumakatawan sa lahat ng mga kapanahunan. Ang mga huling araw ay walang iba kundi mga huling araw at walang iba kundi Kapanahunan ng Kaharian, at hindi kumakatawan sa Kapanahunan ng Biyaya o sa Kapanahunan ng Kautusan. Sadya lamang na, sa mga huling araw, ang lahat ng gawain sa anim na libong taong plano ng pamamahala ay ibinubunyag sa inyo. Ito ang paglalantad ng hiwaga. Ang gayong hiwaga ay hindi mailalantad ng sinumang tao. Kahit na gaano pa kalawak ang pagkaunawa ng tao sa Bibliya, nananatili itong mga salita lamang, dahil hindi nauunawaan ng tao ang diwa ng Bibliya. Kapag ang tao ay nagbabasa ng Bibliya, maaaring maarok niya ang ilang katotohanan, makapagpaliwanag ng ilang salita o makapaghimay ng ilang tanyag na sipi at kabanata sa kanyang matinding pagsisiyasat, ngunit hindi niya kailanman matutuklasan ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang iyon, dahil ang nakikita lang ng tao ay mga salitang walang buhay, hindi ang mga eksena ng gawain ni Jehova at ni Jesus, at hindi kayang lutasin ng tao ang hiwaga ng gawaing ito. Samakatuwid, ang hiwaga ng anim na libong taong plano ng pamamahala ay ang pinakadakilang hiwaga, ang siyang pinakanatatago at lubusang hindi maaarok ng tao. Walang sinumang direktang makakaunawa sa mga layunin ng Diyos, maliban kung ang Diyos Mismo ang nagpapaliwanag at naghahayag sa mga tao; kung hindi, mananatili ang mga bagay na ito na palaisipan sa tao magpakailanman at mananatiling mga hiwagang sarado magpakailanman. Lalo namang hindi ang mga nasa mundo ng relihiyon; kung hindi kayo nasabihan ngayon, hindi rin kayo makakaunawa. Ang gawaing ito ng anim na libong taon ay mas mahiwaga kaysa lahat ng propesiya ng mga propeta. Ito ang pinakadakilang hiwaga simula noong paglikha hanggang ngayon, at walang sinuman sa mga propeta sa lahat ng kapanahunan ang nagawa kailanman na arukin ito, sapagkat ang hiwagang ito ay inilalantad lamang sa panghuling kapanahunan at hindi pa kailanman nabunyag noong una. Kung kaya ninyong maunawaan ang hiwagang ito at kaya ninyong ganap na maarok ito, lahat ng relihiyosong tao ay pawang madadaig ng hiwagang ito. Ito lamang ang pinakadakila sa mga pangitain, na siyang pinakakinasasabikan ng tao na maunawaan ngunit siya rin namang pinaka-hindi maliwanag sa kanya. Nang kayo ay nasa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ninyo alam kung tungkol saan ang gawain na ginampanan ni Jesus ni yaong ginampanan ni Jehova. Hindi naunawaan ng mga tao kung bakit si Jehova ay nagtakda ng mga kautusan, kung bakit hiningi Niya sa mga tao na sumunod sa mga kautusan o kung bakit kailangang maitayo ang templo, at lalong hindi naunawaan ng mga tao kung bakit ang mga Israelita ay pinangunahan mula sa Ehipto papunta sa ilang at pagkatapos ay patungo sa Canaan. Sa araw na ito lamang ibinunyag ang mga bagay na ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 171

Ang mga tao ay hindi kayang mamuhay nang nakapagsasarili, maliban sa kanila na binigyan ng natatanging tagubilin at paggabay ng Banal na Espiritu. Kinakailangan nilang lahat ang ministeryo at pagpapastol ng mga ginagamit ng Diyos, kaya, sa bawat kapanahunan nagtataas ang Diyos ng iba’t ibang tao na abalang nagmamadali alang-alang sa Kanyang gawain upang magpastol sa mga iglesia. Na ang ibig sabihin, ang gawain ng Diyos ay dapat magawa sa pamamagitan ng mga taong tinitingnan Niya nang may pabor at itinuturing na karapat-dapat; dapat gumawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng bahagi sa loob nila na karapat-dapat gamitin, at ginagawa silang angkop para gamitin ng Diyos sa pamamagitan ng pagperpekto sa kanila ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang abilidad ng tao na makaarok ay labis na kapos, dapat siyang maipastol ng mga taong ginagamit ng Diyos; katulad lang ito ng paggamit ng Diyos kay Moises, kung kanino Siya nakatagpo ng marami na angkop sa paggamit noong panahong iyon, at na Kanyang ginamit upang gampanan ang gawain ng Diyos sa yugtong iyon. Sa yugtong ito, ginagamit ng Diyos ang isang tao habang ginagamit din ang bahagi niya na maaaring gamitin ng Banal na Espiritu para makagawa, at ang Banal na Espiritu ay ginagabayan siya at kasabay nito’y ginagawang perpekto ang natitirang bahagi na hindi magagamit.

Ang gawain na isinasakatuparan niyang ginagamit ng Diyos ay ang makipagtulungan sa gawain ni Cristo o ng Banal na Espiritu. Ang taong ito ay itinataas ng Diyos sa gitna ng mga tao upang pangunahan ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at siya ay itinataas din ng Diyos upang gampanan ang gawain ng pakikipagtulungan ng tao. Ang magkaroon ng kagaya nito, na nagagawang gampanan ang pakikipagtulungan ng tao, mas marami pa sa mga hinihingi ng Diyos mula sa tao at sa gawaing kailangang gampanan ng Banal na Espiritu sa gitna ng tao ay matatamo sa pamamagitan niya. Ang isa pang paraan ng pagsasabi nito ay kagaya nito: Ang mithiin ng Diyos sa paggamit sa taong ito ay upang lalong maunawaan ng lahat yaong mga sumusunod sa Diyos ang mga layunin ng Diyos, at matugunan ang mga hinihingi ng Diyos hanggang sa mas malawak na antas. Sapagkat ang mga tao ay walang kakayahan na tuwirang maunawaan ang mga salita ng Diyos o ang mga layunin ng Diyos, itinaas ng Diyos ang isang tao na siyang ginagamit upang isakatuparan ang gayong gawain. Ang taong ito na ginagamit ng Diyos ay maaari ring ilarawan bilang isang behikulo kung saan ginagabayan ng Diyos ang mga tao, bilang “tagasalin” na nakikipagtalastasan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kaya, ang gayong tao ay hindi kagaya ng sinumang manggagawa o apostol sa sambahayan ng Diyos. Masasabi na silang lahat ay mga taong naglilingkod sa Diyos, ngunit sa diwa ng kanyang gawain at sa sitwasyon ng paggamit sa kanya ng Diyos, ang taong ito ay labis na naiiba mula sa ibang mga manggagawa at mga apostol. Kung ang pag-uusapan ay ang diwa ng kanyang gawain at ang kaligiran ng paggamit sa kanya, ang tao na ginagamit ng Diyos ay itinataas Niya, inihahanda siya ng Diyos para sa gawain ng Diyos, at siya ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos Mismo. Walang sinumang tao ang maaaring gumawa ng kanyang gawain sa kanyang lugar—ang pakikipagtulungan ng tao ang kailangang-kailangan kasabay ng maka-Diyos na gawain. Samantala, ang gawaing isinasakatuparan ng ibang mga manggagawa o mga apostol ay paghahatid at pagsasakatuparan lamang ng maraming aspeto ng mga pagsasaayos para sa mga iglesia sa bawat panahon, o kaya nama’y gawain ng ilang payak na pantustos ng buhay upang mapanatili ang buhay iglesia. Ang mga manggagawa at mga apostol na ito ay hindi itinalaga ng Diyos, lalong hindi sila matatawag na mga ginagamit ng Banal na Espiritu. Sila ay pinipili mula sa mga iglesia at, pagkatapos silang sanayin at linangin sa loob ng ilang panahon, silang mga angkop na gamitin ay pinananatili, habang iyong mga hindi angkop ay pinababalik kung saan sila nanggaling. Sapagkat ang mga taong ito ay pinili mula sa mga iglesia, ipinakikita ng ilan ang kanilang totoong mga kulay pagkatapos maging mga lider, at ang ilan ay gumagawa pa nga ng maraming masasamang bagay at itinitiwalag sa bandang huli. Ang taong ginagamit ng Diyos, sa kabilang dako, ay siyang inihanda ng Diyos, at siyang nagtataglay ng partikular na kakayahan, at mayroong pagkatao. Maaga siyang naihanda at nagawang perpekto ng Banal na Espiritu, at ganap na pinangungunahan ng Banal na Espiritu, at, lalo na pagdating sa kanyang gawain, siya ay pinapatnubayan at pinamamahalaan ng Banal na Espiritu—bilang resulta nito, walang mga paglihis sa landas kung saan inaakay niya ang hinirang na mga tao ng Diyos, sapagkat tiyak na pananagutan ng Diyos ang Kanyang sariling gawain, at ginagawa ng Diyos ang Kanyang sariling gawain sa lahat ng pagkakataon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Paggamit ng Diyos sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 172

Ang gawaing nasa daloy ng Banal na Espiritu, sariling gawain man ng Diyos o gawain ng mga taong kinakasangkapan, ay ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang diwa ng Diyos Mismo ay ang Espiritu, na matatawag na Banal na Espiritu o ang Espiritung pinatindi nang pitong ulit. Sa kabuuan, Sila ang Espiritu ng Diyos, bagama’t tinawag na ang Espiritu ng Diyos sa iba-ibang katawagan sa iba’t ibang kapanahunan. Iisa pa rin ang Kanilang diwa. Samakatwid, ang gawain ng Diyos Mismo ay ang gawain ng Banal na Espiritu, habang ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay walang iba kundi ang Banal na Espiritu na gumagawa. Ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay ang gawain din ng Banal na Espiritu. Subalit ang gawain ng Diyos ang ganap na pagpapahayag ng Banal na Espiritu, at wala nang iba pa, samantalang ang gawain ng mga taong kinakasangkapan ay may kahalong maraming bagay ng tao, at hindi ito ang tuwirang pagpapahayag ng Banal na Espiritu, lalong hindi ang Kanyang ganap na pagpapahayag. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay iba-iba at hindi limitado ng anumang mga kondisyon. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa ng iba’t ibang gawain sa iba’t ibang tao; nagpapakita ito ng iba’t ibang diwa, at nagkakaiba-iba ayon sa kapanahunan, gayundin ayon sa bansa. Mangyari pa, bagama’t gumagawa ang Banal na Espiritu sa maraming iba’t ibang paraan at ayon sa maraming uri ng prinsipyo, paano man ginagawa ang gawain o sa anumang klase ng mga tao, palaging iba ang diwa nito; lahat ng gawaing ginagawa sa iba’t ibang tao ay may mga prinsipyo, at lahat ng iyon ay maaaring kumatawan sa diwa ng mga taong pinag-uukulan nito. Ito ay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay napakapartikular ang saklaw at napakatumpak. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi kapareho ng gawaing isinasagawa sa mga tao, at iba’t ibang gawain din ang ginagawa sa mga taong may iba’t ibang kakayahan. Ang gawaing ginagawa sa nagkatawang-taong laman ay hindi ginagawa sa mga tao, at ang parehong gawaing ginagawa sa mga tao ay hindi ginagawa sa nagkatawang-taong laman. Sa madaling salita, paano man ito ginagawa, ang gawaing isinasagawa sa iba’t ibang taong pinag-uukulan nito ay hindi kailanman pare-pareho, at ang mga prinsipyong pinagbabatayan ng Kanyang paggawa ay naiiba alinsunod sa mga kalagayan at kalikasan ng iba’t ibang tao kung kanino Siya gumagawa. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iba’t ibang tao batay sa kanilang likas na diwa at walang hinihiling na anuman sa kanila na lampas pa sa diwang iyon, ni hindi Siya gumagawa sa kanila na lampas pa sa kanilang likas na kakayahan. Kaya, ang gawain ng Banal na Espiritu sa tao ay tinutulutan ang mga tao na makita ang diwa ng taong pinag-uukulan ng gawaing iyon. Hindi nagbabago ang likas na diwa ng tao; limitado ang kanyang likas na kakayahan. Kinakasangkapan ng Banal na Espiritu ang mga tao o gumagawa Siya sa kanila alinsunod sa kanilang limitadong kakayahan, upang may makamit sila mula rito. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga taong kinakasangkapan, ang mga talento at likas na kakayahan ng mga taong iyon ay nagagamit, nang walang pinipigilan. Ang kanilang likas na kakayahan ay nagagamit sa paglilingkod sa gawain. Masasabi na kinakasangkapan Niya ang mga bahagi ng mga tao na maaaring kasangkapanin sa Kanyang gawain, upang makamtan ang mga resulta sa gawaing iyon. Sa kabaligtaran, ang gawaing isinasagawa sa nagkatawang-taong laman ay ang direktang pagpapahayag ng gawain ng Espiritu at hindi nahaluan ng isipan at mga saloobin ng tao; hindi ito kayang abutin ng mga kaloob ng tao, ni ng karanasan ng tao, ni ng likas na kondisyon ng tao. Ang lahat ng iba’t ibang uri ng gawain ng Banal na Espiritu ay para makinabang at mapagtibay ang tao. Ito ay dahil maaaring gawing perpekto ang ilang tao, habang ang iba ay walang taglay na mga kondisyon para maperpekto, na ibig sabihin ay hindi sila magagawang perpekto at halos hindi maliligtas, at kahit maaaring nagkaroon na sila ng gawain ng Banal na Espiritu, sa huli ay ititiwalag sila. Ibig sabihin ay kahit ang gawain ng Banal na Espiritu ay upang mapatibay ang mga tao, hindi masasabi ng isang tao na lahat ng nagkaroon na ng gawain ng Banal na Espiritu ay ganap na gagawing perpekto, dahil ang landas na tinatahak ng maraming tao sa kanilang paghahangad ay hindi ang landas tungo sa pagiging perpekto. Mayroon lamang sila ng makaisang-panig na gawain ng Banal na Espiritu, hindi ang subhetibong pakikipagtulungan ni ang tamang paghahangad ng tao. Sa gayon, ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga taong ito ay naglilingkod sa mga ginagawang perpekto. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi direktang makikita ng mga tao, ni hindi direktang mahahawakan ng mga tao mismo. Maipapahayag lamang ito ng mga may kaloob ng gawain, ibig sabihin, ang gawain ng Banal na Espiritu ay ipinapahayag sa pamamagitan ng mga tao at sa gayon ay itinutustos sa mga tagasunod.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 173

Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isinasakatuparan at tinatapos sa pamamagitan ng maraming uri ng mga tao at maraming iba’t ibang kalagayan. Bagama’t ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay maaaring kumatawan sa gawain ng isang buong kapanahunan, at maaaring kumatawan sa pagpasok ng mga tao sa isang buong kapanahunan, ang gawain sa mga detalye ng pagpasok ng mga tao ay kailangan pa ring gawin ng mga taong kinakasangkapan ng Banal na Espiritu, hindi ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya, ang gawain ng Diyos, o ang sariling ministeryo ng Diyos, ay ang gawain ng nagkatawang-taong laman ng Diyos, na hindi magagawa ng tao bilang kapalit Niya. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay tinatapos sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng mga tao; walang iisang taong makakagawa nito nang buo, at walang iisang taong makapagpapaliwanag nito nang lubusan. Iyong mga namumuno sa mga iglesia ay hindi rin maaaring kumatawan nang lubusan sa gawain ng Banal na Espiritu; maaari lamang silang gumawa ng ilang gawain ng pamumuno. Sa gayon ay maaaring hatiin ang gawain ng Banal na Espiritu sa tatlong bahagi: Ang sariling gawain ng Diyos, ang gawain ng mga taong kinakasangkapan, at ang gawain sa lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu. Ang sariling gawain ng Diyos ay ang akayin ang buong kapanahunan; ang gawain ng mga kinakasangkapan ay ang gawain ng maipadala o maatasan na akayin ang lahat ng tagasunod ng Diyos matapos gawin ng Diyos ang sarili Niyang gawain, at sila ang mga taong nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos; ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga nasa daloy ay ang itaguyod ang lahat ng Kanyang sariling gawain, ibig sabihin, ang itaguyod ang Kanyang buong pamamahala at Kanyang patotoo, habang kasabay nito ay ginagawang perpekto iyong mga magagawang perpekto. Magkakasama, ang tatlong bahaging ito ang buong gawain ng Banal na Espiritu, ngunit kung wala ang gawain ng Diyos Mismo, ang gawain ng pamamahala ay hindi makakasulong sa kabuuan nito. Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, ibig sabihin, ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang ang gawain ng mga apostol ay dumarating matapos ang sariling gawain ng Diyos at ipinagpapatuloy ito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawain ng pamamahala. Ang gawaing isinasakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawain ng pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawain ng pamamahala. Sa kabila ng katunayan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at esensyal na pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, magkakaiba ang antas ng paggawa ng Banal na Espiritu sa mga pinag-uukulan na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 174

Ang gawain ng tao ay nagpapahiwatig ng kanyang karanasan at kanyang pagkatao. Ang itinutustos at ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanya. Ang kabatiran, pangangatwiran, lohika, at mayamang imahinasyon ng tao ay kasamang lahat sa kanyang gawain. Ang karanasan ng tao ay mas nakapagpapahiwatig ng kanyang gawain, at anuman ang nararanasan ng tao ay masasalamin sa kanyang gawain. Ang gawain ng tao ay maaaring magpahayag ng kanyang karanasan. Kapag negatibo ang karanasan ng ilang tao, karamihan sa pananalita ng kanilang pagbabahagi ay binubuo ng mga negatibong elemento. Kung positibo ang kanilang karanasan sa loob ng ilang panahon at mayroon silang labis na malinaw na landas sa positibong aspekto, lubos na makakapagpatibay-loob ang kanilang pagbabahagi, at maaaring magtamo ng positibong mga panustos ang mga tao mula sa kanila. Kung ang isang manggagawa ay nagiging negatibo sa loob ng ilang panahon, laging magdadala ng negatibong mga elemento ang kanyang pagbabahagi. Hinihila pababa ng ganitong uri ng pagbabahaginan ang mga tao; hindi namamalayang magsisimula ang mga tao na makadama ng pagkalumbay pagkatapos niyang magbahagi. Nagbabago ang kalagayan ng mga tagasunod batay sa kalagayan ng lider. Anuman ang nasa kalooban ng manggagawa, iyon ang kanyang ipinapahayag, at kadalasan ay nagbabago ang gawain ng Banal na Espiritu ayon sa kalagayan ng tao. Siya ay gumagawa ayon sa karanasan ng mga tao at hindi Niya sila pinipilit, sa halip, humihingi Siya sa mga tao ayon sa normal na takbo ng kanilang karanasan. Ang ibig sabihin nito ay na ang pagbabahagi ng tao ay naiiba sa salita ng Diyos. Kapag nagbabahagi ang mga tao, nagbabahagi sila tungkol sa kanilang indibidwal na mga kabatiran at karanasan, ipinapahayag ang kanilang mga kabatiran at karanasan batay sa gawain ng Diyos. Ang kanilang responsabilidad ay alamin, pagkatapos gumawa o magsalita ang Diyos, kung ano ang kailangan nilang isagawa at pasukin, at pagkatapos ay itustos ito sa mga tagasunod. Samakatwid, ang gawain ng tao ay kumakatawan sa kanyang pagpasok at pagsasagawa. Mangyari pa, ang ganitong gawain ay may kahalong mga aral at karanasan ng tao o ilang saloobin ng tao. Paano man gumagawa ang Banal na Espiritu, sa tao man o sa Diyos na nagkatawang-tao, laging ipinapahayag ng mga manggagawa kung ano sila. Kahit ang Banal na Espiritu ang gumagawa, ang gawain ay nakasalig sa kung ano ang likas sa tao, dahil hindi gumagawa ang Banal na Espiritu nang walang pundasyon. Sa madaling salita, ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa batay sa wala—palagi Siyang gumagawa ayon sa aktuwal na mga sitwasyon at tunay na mga kondisyon. Sa ganitong paraan lamang mababago ang disposisyon ng tao at ang kanyang dating mga kuru-kuro at dating saloobin. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang nakikita, nararanasan, at naiisip; kahit na ito ay isang doktrina o kuru-kuro, ito ay isang bagay na naaabot ng kanyang isipan. Hindi malalampasan ng gawain ng tao ang saklaw ng karanasan ng tao, ni ng nakikita ng tao, ni ng kayang isipin o akalain ng tao, gaano man kalaki ang gawaing iyon. Ang ipinapahayag ng Diyos ay kung ano Siya Mismo, at hindi ito kayang abutin ng tao—ibig sabihin, hindi ito kayang abutin ng pag-iisip ng tao. Ipinapahayag Niya ang Kanyang gawaing pamunuan ang buong sangkatauhan, at wala itong kaugnayan sa mga detalye ng karanasan ng tao, kundi sa halip ay may kinalaman ito sa Kanyang sariling pamamahala. Ang ipinapahayag ng tao ay ang kanyang karanasan, samantalang ang ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang pagiging Diyos, na Kanyang likas na disposisyon, na hindi kayang abutin ng tao. Ang karanasan ng tao ay ang kanyang kabatiran at kaalamang nakamtan batay sa pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang pagiging Diyos. Ang ganitong kabatiran at kaalaman ay tinatawag na kung ano ang tao, at ipinapahayag batay sa likas na disposisyon at kakayahan ng tao—kaya nga tinatawag ang mga iyon na kung ano ang tao. Nagagawang ibahagi ng tao ang kanyang nararanasan at nakikita. Walang sinumang maaaring makapagbahagi ng anumang hindi pa nila naranasan, hindi pa nila nakita, o hindi kayang abutin ng kanilang pag-iisip, dahil ang mga bagay na iyon ay wala sa kanilang kalooban. Kung ang ipinapahayag ng tao ay isang bagay na hindi pa niya naranasan, ito ay imahinasyon niya o isang doktrina. Sa madaling salita, walang anumang realidad sa gayong mga salita. Kung hindi ka pa kailanman nakipag-ugnayan sa mga bagay ng lipunan, hindi mo magagawang ibahagi nang malinaw ang komplikadong mga ugnayan ng lipunan. Kung wala kang pamilya, kapag nag-usap-usap ang ibang mga tao tungkol sa mga problema sa pamilya, hindi mo mauunawaan ang karamihan sa sinabi nila. Kaya, ang ibinabahagi ng tao at ang gawaing kanyang ginagawa ay kumakatawan sa kung ano siya sa loob niya. Kung ibinahagi ng sinuman ang kanyang pagkaunawa tungkol sa pagkastigo at paghatol, ngunit wala kang karanasan doon, hindi ka mangangahas na itatwa ang kanyang kaalaman, lalo nang hindi ka mangangahas na siyento-por-siyentong makatiyak doon. Ito ay dahil ang kanilang ibinabahagi ay isang bagay na hindi mo pa naranasan kailanman, isang bagay na hindi mo pa nalaman kailanman, at hindi iyon kayang isipin ng isip mo. Mula sa kanilang kaalaman, lahat ng makakamit mo ay isang landas para sa pagsailalim sa pagkastigo at paghatol sa hinaharap. Ngunit ang landas na ito ay maaaring maging isa lamang doktrinal na kaalaman; hindi ito makakapalit sa iyong sariling pagkaunawa, lalo na sa iyong karanasan. Marahil ay iniisip mo na medyo tama ang kanilang pagkaunawa, ngunit sa sarili mong karanasan, alam mo na hindi iyon maisasagawa sa maraming paraan. Marahil pakiramdam mo ay lubos na hindi maisasagawa ang ilan sa kanilang pagkaunawa; nagkikimkim ka ng mga kuru-kuro tungkol doon sa oras na iyon, at bagama’t tinatanggap mo iyon, nag-aatubili ka pa rin. Ngunit sa sarili mong karanasan, ang kaalamang pinagmulan ng iyong mga kuru-kuro ang nagiging paraan mo ng pagsasagawa, at habang lalo kang nagsasagawa, lalo mong nauunawaan ang tunay na halaga at kahulugan ng mga salitang iyong narinig. Matapos magkaroon ng sarili mong karanasan, maaari mo nang talakayin ang kaalamang dapat mong taglayin tungkol sa naranasan mo. Dagdag pa rito, makikilatis mo rin kung kaninong kaalaman ang tunay at praktikal at kaninong kaalaman ang batay sa doktrina at walang halaga. Kaya, kung naaayon man sa katotohanan ang kaalamang ibinabahagi mo ay nakasalalay higit sa lahat sa kung mayroon ka bang praktikal na karanasan dito. Kapag may katotohanan sa iyong karanasan, magiging praktikal at mahalaga ang iyong kaalaman. Sa pamamagitan ng iyong karanasan, magtatamo ka rin ng pagkilatis at kabatiran, mapapalawak ang iyong kaalaman, at madaragdagan ang iyong karunungan at sentido kumon tungkol sa kung paano ka dapat umasal. Ang kaalamang ibinabahagi ng mga taong walang taglay na katotohanan ay doktrina, gaano man iyon katayog. Ang ganitong uri ng tao ay maaaring napakatalino pagdating sa mga usapin ng laman pero wala siyang pagkilatis pagdating sa mga espirituwal na usapin. Iyan ay dahil ang gayong mga tao ay walang anumang karanasan sa mga espirituwal na usapin. Sila ang mga taong hindi naliliwanagan sa mga espirituwal na usapin at walang espirituwal na pang-unawa. Anumang aspekto ng kaalaman ang maaari mong pag-usapan, basta’t iyon ang kung ano ka, iyon ay iyong personal na karanasan, iyong tunay na kaalaman. Ang tinatalakay ng mga taong nagsasalita lamang ng doktrina—iyong mga taong walang taglay na katotohanan ni realidad—ay maaari ding tawagin na kung ano sila, dahil nabuo nila ang kanilang doktrina sa pamamagitan lamang ng malalim na pagninilay-nilay at ito ang bunga ng kanilang malalim na pagbubulay-bulay. Subalit ito ay doktrina lamang, walang iba kundi imahinasyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 175

Ang mga karanasan ng lahat ng uri ng mga tao ay kumakatawan sa mga bagay na nasa kanilang kalooban. Sinumang walang espirituwal na karanasan ay hindi kayang magsalita tungkol sa kaalaman ng katotohanan, ni ng tamang kaalaman tungkol sa iba-ibang uri ng mga espirituwal na bagay. Ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya sa kanyang kalooban—iyan ang tiyak. Kung nais ng isang tao na magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng kaalaman tungkol sa katotohanan, kailangan siyang magkaroon ng praktikal na karanasan. Kung hindi ka makapagsalita nang malinaw tungkol sa sentido kumon sa buhay ng tao, paano ka pa makapagsasalita tungkol sa mga espirituwal na bagay? Iyong mga maaaring mamuno sa mga iglesia, tustusan ng buhay ang mga tao, at maging mga apostol sa mga tao ay kailangang magkaroon ng praktikal na karanasan; kailangang magkaroon sila ng tamang pagkaunawa tungkol sa mga espirituwal na bagay at ng tamang pagkaarok at karanasan sa katotohanan. Ang gayong mga tao lamang ang kalipikadong maging mga manggagawa o apostol na namumuno sa mga iglesia. Kung hindi, maaari lamang silang sumunod bilang pinakamababa at hindi maaaring mamuno, lalong hindi sila maaaring maging mga apostol na nagtutustos ng buhay sa mga tao. Iyan ay dahil ang tungkulin ng mga apostol ay hindi upang magparoo’t parito o makipaglaban; iyan ay upang gawin ang gawain ng pagmiministeryo ng buhay at pamumuno sa iba sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon. Iyon ang papel na ginagampanan ng mga tumatanggap sa atas at pumapasan ng mabigat na responsabilidad, na hindi kakayaning pasanin ng kahit sino. Ang uring ito ng gawain ay maaari lamang gawin ng mga iyon na may pagiging buhay ng buhay, ibig sabihin, iyong mga may karanasan sa katotohanan. Hindi ito maaaring isagawa lamang ng kahit sino na kayang tumalikod sa mga bagay-bagay, magparoo’t parito, o handang gugulin ang kanilang sarili; ang mga taong walang karanasan sa katotohanan, na hindi pa napungusan o nahatulan, ay hindi nagagawa ang ganitong uri ng gawain. Ang mga taong walang karanasan, na mga taong walang realidad, ay hindi nakikita nang malinaw ang realidad dahil sila mismo ay walang ganitong uri ng kung ano sila. Kaya, ang ganitong uri ng tao ay hindi lamang hindi nagagawang gawin ang gawaing mamuno, kundi, kung mananatiling wala sa kanila ang katotohanan sa loob ng mahabang panahon, ititiwalag sila. Ang kabatirang ibinabahagi mo ay maaaring maging patunay sa mga paghihirap na naranasan mo sa buhay, sa mga bagay kaya ka nakastigo, at sa mga isyu kaya ka nahatulan. Totoo rin ito sa mga pagsubok: Kung saan pinino ang isang tao, kung saan mahina ang isang tao—ito ang mga bagay kung saan may karanasan ang isang tao, kung saan may landas ang isang tao. Halimbawa, kung may isang taong nagdaranas ng mga kabiguan sa pagsasama nilang mag-asawa, madalas niyang ibabahagi, “Salamat sa Diyos, purihin ang Diyos, kailangan kong matugunan ang mga layunin ng Diyos at ialay ang aking buong buhay, at kailangan kong lubusang ilagay sa mga kamay ng Diyos ang mahalagang usapin ng buhay ko. Handa akong ialay ang buong buhay ko sa Diyos.” Lahat ng bagay sa loob ng tao ay maaaring katawanin sa pamamagitan ng pagbabahagi. Ang bilis ng pananalita ng isang tao, nagsasalita man siya nang malakas o tahimik—ang gayong mga bagay ay hindi mga bagay ng karanasan at hindi maaaring kumatawan sa kung ano ang mayroon siya at ano siya. Masasabi lamang ng mga bagay na ito kung ang personalidad ng isang tao ay mabuti o masama, o kung mabuti o masama ang kanyang kalikasan, ngunit hindi ito maitutumbas sa kung may karanasan ang isang tao. Ang abilidad na ipahayag ang sarili kapag nagsasalita, o ang kasanayan o bilis ng pananalita, ay nakukuha lamang sa pagsasanay at hindi makakapalit sa karanasan ng isang tao. Kapag nagbabahagi ka tungkol sa iyong indibidwal na mga karanasan, ibinabahagi mo ang para sa iyo ay mahalaga at lahat ng bagay na nasa iyong kalooban. Ang Aking pananalita ay kumakatawan sa Aking pagiging Diyos, ngunit ang Aking sinasabi ay hindi kayang abutin ng tao. Ang Aking sinasabi ay hindi iyong nararanasan ng tao, at hindi iyon isang bagay na makikita ng tao; hindi rin iyon isang bagay na makakaugnayan ng tao, kundi kung ano Ako. Kinikilala lamang ng ilang tao na ang Aking ibinabahagi ay ang Aking naranasan, ngunit hindi nila kinikilala na iyon ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu. Mangyari pa, ang Aking sinasabi ay ang Aking naranasan. Ako ang Siyang gumawa ng 6,000-taong gawain ng pamamahala. Naranasan Ko ang lahat mula sa simula ng paglikha sa sangkatauhan hanggang ngayon; paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin? Pagdating sa kalikasan ng tao, nakita Ko na nang malinaw; matagal Ko na itong napagmasdan. Paanong hindi Ko iyon magagawang talakayin nang malinaw? Dahil nakita Ko na nang malinaw ang diwa ng tao, kalipikado Akong kastiguhin ang tao at hatulan siya, dahil lahat ng tao ay nagmula sa Akin ngunit nagawang tiwali ni Satanas. Mangyari pa, kalipikado rin Akong suriin ang gawaing Aking nagawa. Bagama’t ang gawaing ito ay hindi ginagawa ng Aking katawang-tao, ito ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu, at ito ang kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako. Samakatwid, kalipikado Akong ipahayag ito at gawin ang gawaing kailangan Kong gawin. Ang sinasabi ng mga tao ay ang naranasan nila. Iyon ang nakita nila, ang naaabot ng kanilang isipan, at ang nadarama ng kanilang mga pandama. Iyon ang maaari nilang ibahagi. Ang mga salitang sinambit ng nagkatawang-taong laman ng Diyos ay ang tuwirang pagpapahayag ng Espiritu at nagpapahayag ng gawaing nagawa ng Espiritu, na hindi pa naranasan o nakita ng katawang-tao, subalit ipinapahayag pa rin Niya ang Kanyang pagiging Diyos, sapagkat ang diwa ng katawang-tao ay ang Espiritu, at ipinapahayag Niya ang gawain ng Espiritu. Gawain iyon na nagawa na ng Espiritu, bagama’t hindi iyon maabot ng katawang-tao. Matapos ang pagkakatawang-tao, sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katawang-tao, binibigyan Niya ng kakayahan ang mga tao na malaman ang pagiging Diyos ng Diyos at tinutulutan ang mga tao na makita ang disposisyon ng Diyos at ang gawaing Kanyang nagawa. Ang gawain ng tao ay nagbibigay sa mga tao ng higit na kalinawan ng kung ano ang dapat nilang pasukin at kung ano ang dapat nilang maunawaan; kinapapalooban ito ng pag-akay sa mga tao na maunawaan at danasin ang katotohanan. Ang gawain ng tao ay alalayan ang mga tao; ang gawain ng Diyos ay ang magbukas ng mga bagong landas at mga bagong kapanahunan para sa sangkatauhan, at ibunyag sa mga tao iyong hindi alam ng mga mortal, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na makilala ang Kanyang disposisyon. Ang gawain ng Diyos ay pamunuan ang buong sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 176

Lahat ng gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa upang makinabang ang mga tao. Lahat iyon ay ginagawa para pagtibayin ang mga tao; walang gawain na hindi kapaki-pakinabang sa mga tao. Malalim man o mababaw ang katotohanan, at kahit gaano man ang kakayahan ng mga tumatanggap sa katotohanan, anuman ang ginagawa ng Banal na Espiritu, kapaki-pakinabang iyon sa mga tao. Ngunit ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi kayang gawin nang tuwiran; kailangan itong ipahayag sa pamamagitan ng mga taong nakikipagtulungan sa Kanya. Doon lamang magbubunga ang gawain ng Banal na Espiritu. Mangyari pa, kapag tuwirang gumagawa ang Banal na Espiritu, wala man lamang iyong bahid-dungis; ngunit kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ng tao, labis iyong nadudungisan at hindi iyon ang orihinal na gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, nagbabago ang katotohanan sa magkakaibang antas. Hindi natatanggap ng mga tagasunod ang orihinal na layunin ng Banal na Espiritu kundi ang pinagsamang gawain ng Banal na Espiritu at ng karanasan at kaalaman ng tao. Ang bahaging natatanggap ng mga tagasunod na gawain ng Banal na Espiritu ay tama, samantalang ang karanasan at kaalaman ng tao na natatanggap nila ay iba-iba dahil magkakaiba ang mga manggagawa. Ang mga manggagawang may kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay patuloy na magkakaroon ng mga karanasan batay sa kaliwanagan at patnubay na ito. Nakapaloob sa mga karanasang ito ang magkasamang isipan at karanasan ng tao, pati na kung ano ang pagkatao, at pagkatapos, natatamo nila ang kaalaman o kabatirang dapat ay mayroon sila. Ito ang paraan ng pagsasagawa ng tao matapos maranasan ang katotohanan. Ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi kailanman eksaktong pareho, dahil magkakaiba ang mga karanasan ng mga tao; magkakaiba rin ang mga bagay na nararanasan ng mga tao. Kaya, ang parehong kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay nagbubunga ng iba’t ibang kaalaman at pagsasagawa, dahil magkakaiba ang mga taong tumatanggap ng kaliwanagan. Ang ilang tao ay may maliliit na paglihis sa kanilang pagsasagawa, ang ilan naman ay malalaki, at ang iba ay nagsasagawa nang lubos na mali. Ito ay dahil magkakaiba ang abilidad ng mga tao na makaarok at dahil magkakaiba rin ang kanilang likas na mga kakayahan. Ang ilang tao ay may isang uri ng pagkaunawa matapos marinig ang isang sermon, at ang ilang tao naman ay may ibang pagkaunawa matapos marinig ang isang katotohanan. May bahagyang paglihis ang ilang tao sa kanilang pagkaunawa, samantalang ni hindi man lamang nauunawaan ng ilan ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Samakatwid, idinidikta ng pang-unawa ng isang tao kung paano niya pamumunuan ang iba; totoo talaga ito, dahil ang gawain ng isang tao ay isang pagpapahayag lamang ng kung ano ang isang tao. Ang mga taong pinamumunuan ng mga may tamang pagkaunawa sa katotohanan ay magkakaroon din ng tamang pagkaunawa sa katotohanan. Kahit may mga taong may kakatwang pagkaunawa, kakaunti lamang sila, at hindi lahat ay magkakaganito. Kung ang isang tao ay may kakatwang pagkaunawa sa katotohanan, siguradong may tendensiya ring mabaluktot ang mga sumusunod sa kanya, at ang mga taong ito ay magiging kakatwa sa lahat ng posibleng paraan. Ang antas ng pagkaunawa ng mga tagasunod sa katotohanan ay nakasalalay nang malaki sa mga manggagawa. Mangyari pa, ang katotohanan mula sa Diyos ay tama at walang mali, at talagang maaasahan. Gayunman, hindi lubos na tama ang mga manggagawa at hindi masasabi na lubos silang maaasahan. Kung ang mga manggagawa ay may landas para sa pagsasagawa ng katotohanan, at ito ay napakapraktikal, magkakaroon din ang mga tagasunod ng isang paraan ng pagsasagawa. Kung walang paraan ang mga manggagawa para isagawa ang katotohanan kundi mayroon lamang silang doktrina, hindi magkakaroon ng anumang realidad ang mga tagasunod. Ang kakayahan at kalikasan ng mga tagasunod ay natutukoy sa pagsilang at walang kaugnayan sa mga manggagawa, ngunit ang abot ng pagkaarok ng mga tagasunod sa katotohanan at ang kanilang pagkakilala sa Diyos ay nakasalalay sa mga manggagawa (ganito lamang ito para sa ilang tao). Anuman ang isang manggagawa, magkakagayon din ang mga tagasunod na kanyang pinamumunuan. Ang ipinapahayag ng isang manggagawa ay kung ano siya, nang walang pagpipigil. Ang mga ipinapagawa niya sa mga sumusunod sa kanya ay iyong handa siya o kaya niya mismong makamit. Ang mga hinihingi ng karamihan sa mga manggagawa sa kanilang mga tagasunod ay batay sa kung ano ang ginagawa nila mismo, kahit marami dito ang hindi man lamang makamit ng kanilang mga tagasunod—at iyong hindi makamit ng isang tao ay nagiging isang balakid sa kanyang pagpasok.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 177

Ang mga paglihis sa gawain ng mga sumailalim sa pagpupungos, paghatol at pagkastigo ay mas maliit, at ang pagpapahayag ng kanilang gawain ay mas lalong tumpak. Ang mga umaasa sa kanilang naturalesa sa gawain ay may napakalalaking paglihis. Ang gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto ay nagpapahayag ng kanilang labis na naturalesa, na nagiging isang napakalaking balakid sa gawain ng Banal na Espiritu. Gaano man kagaling ang kakayahan ng isang tao, kailangan din siyang magdaan sa pagpupungos at paghatol bago niya magawa ang gawain ng atas ng Diyos. Kung hindi pa siya dumaan sa gayong paghatol, ang kanyang gawain, gaano man kahusay ginawa, ay hindi maaaring maging katugma ng mga prinsipyo ng katotohanan at palaging isang produkto ng kanyang sariling naturalesa at kabutihan bilang tao. Ang gawain ng mga nagdaan na sa pagpupungos at paghatol ay mas lalong tumpak kaysa sa gawain ng mga hindi pa napungusan at nahatulan. Iyong mga hindi pa nagdaan sa paghatol ay walang ipinapahayag kundi ang laman at mga saloobin ng tao, na may kahalong maraming katalinuhan at likas na talento ng tao. Hindi ito ang tumpak na pagpapahayag ng tao sa gawain ng Diyos. Iyong mga sumusunod sa gayong mga tao ay inihaharap sa kanila ng kanilang likas na kakayahan. Dahil napakaraming ipinapahayag ng mga ito na kabatiran at karanasan ng tao, na halos walang kaugnayan sa orihinal na layunin ng Diyos at masyadong lihis dito, ang gawain ng ganitong uri ng tao ay hindi maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, kundi sa halip ay dinadala sila sa harap ng tao. Kaya, ang mga hindi pa dumaan sa paghatol at pagkastigo ay hindi kalipikadong magsagawa ng gawaing atas ng Diyos. Ang gawain ng isang manggagawa na pasok sa pamantayan ay maaaring dalhin ang mga tao sa tamang daan at tulungan silang makapasok nang mas malalim tungo sa katotohanan. Ang kanyang gawain ay maaaring dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos. Dagdag pa rito, ang gawaing kanyang ginagawa ay maaaring mag-iba-iba sa bawat indibidwal at hindi nakatali sa mga regulasyon, na nagtutulot sa mga tao na magkaroon ng laya at kalayaan, unti-unting paglago sa buhay, at unti-unting magkaroon ng mas malalim na pagpasok sa katotohanan. Ang gawain ng isang manggagawang hindi pasok sa pamantayan ay malayong-malayo. Ang kanyang gawain ay kahangalan. Maaari lamang niyang dalhin ang mga tao sa mga regulasyon, at ang hinihingi niya sa mga tao ay hindi nag-iiba-iba sa bawat indibidwal; hindi siya gumagawa ayon sa aktuwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa ganitong uri ng gawain, napakaraming regulasyon at napakaraming doktrina, at hindi nito madadala ang mga tao sa realidad, ni sa normal na pagsasagawa ng paglago sa buhay. Maaari lamang nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na sumunod sa ilang regulasyon na walang halaga. Ang gayong paggabay ay nagliligaw sa mga tao. Inaakay ka niya na maging katulad niya, dinadala ka tungo sa kung ano ang mayroon siya at kung ano siya. Upang makilatis ng mga tagasunod kung pasok ba sa pamantayan ang mga lider, ang susi ay ang tumingin sa landas kung saan nila inaakay ang iba at sa mga resulta ng kanilang gawain, at tingnan kung ang mga tagasunod ay tumatanggap ng mga prinsipyo alinsunod sa katotohanan, at kung tumatanggap sila ng mga paraan ng pagsasagawa na angkop sa kanilang pagbabago. Dapat kang magkaroon ng pagkilatis sa iba’t ibang gawain ng iba’t ibang uri ng mga tao; hindi ka dapat maging isang naguguluhang tagasunod. May kaugnayan ito sa pagpasok ng mga tao. Kung hindi mo makilatis kung aling pamumuno ng tao ang may landas at alin ang wala, madali kang malilihis. Lahat ng ito ay may tuwirang kaugnayan sa iyong sariling buhay. Napakaraming naturalesa sa gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto; napakarami nitong kahalong kagustuhan ng tao. Kung ano sila ay naturalesa—likas silang ganito. Hindi iyon buhay matapos mapungusan o realidad matapos mabago. Paano masusuportahan ng gayong tao ang mga naghahangad ng buhay? Ang buhay na orihinal na taglay ng tao ay ang kanyang likas na talino o talento. Ang ganitong uri ng talino o talento ay napakalayo sa eksaktong mga hinihingi ng Diyos sa tao. Kung ang isang tao ay hindi pa nagawang perpekto at hindi pa napupungusan ang kanyang mga tiwaling disposisyon, magkakaroon ng malaking puwang sa pagitan ng kanyang ipinapahayag at ng katotohanan; ang kanyang ipinapahayag ay mahahaluan ng malalabong bagay, tulad ng kanyang imahinasyon at karanasan ng isang panig lamang. Dagdag pa rito, anuman ang kanyang ginagawa, pakiramdam ng mga tao ay walang pangkalahatang layon at walang katotohanan na angkop para pasukin ng lahat ng tao. Karamihan sa hinihingi sa mga tao ay hindi nila kayang gawin, na para bang mga isda sila na pinipilit na mabuhay sa lupa. Ito ang gawain ng kagustuhan ng tao. Ang mga tiwaling disposisyon ng tao, kanyang mga saloobin, at kanyang mga kuru-kuro ay laganap sa lahat ng bahagi ng kanyang katawan. Ang tao ay hindi isinisilang na may likas na ugali na isagawa ang katotohanan, ni wala siyang likas na ugali na unawain nang tuwiran ang katotohanan. Idagdag pa riyan ang mga tiwaling disposisyon ng tao—kapag gumagawa ang ganitong uri ng natural na tao, hindi ba ito nakakagambala? Ngunit ang isang tao na nagawang perpekto ay may karanasan sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao, at pagkakilala tungkol sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Ang malalabo at mga di-praktikal na bagay sa kanyang gawain ay unti-unting mababawasan, nagiging kaunti ang mga adulterasyon ng tao, at lalo pang napapalapit ang kanyang gawain at paglilingkod sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos. Sa gayon, nakapasok na ang kanyang gawain sa katotohanang realidad at naging makatotohanan na rin ang kanyang gawain. Ang mga saloobin sa isipan ng tao lalo na ay sagabal sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang tao ay may masaganang imahinasyon at makatwirang lohika, at nagkaroon na siya ng mahabang karanasan sa pangangasiwa sa mga usapin. Kung ang mga aspektong ito ng tao ay hindi dumaraan sa pagpupungos at pagwawasto, lahat ng ito ay mga balakid sa gawain. Samakatwid, hindi makakamit ng gawain ng tao ang pinakamataas na antas ng katumpakan, lalo na ng gawain ng mga taong hindi nagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 178

Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, aakayin niya ang mga tao tungo sa mga regulasyon. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na ang layunin ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang bigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na isipan ng tao. Lahat ng makapagsasabuhay sa katotohanang realidad ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan ng normal na buhay ng tao sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lumalagpas sa mga hangganan ng normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahangad ng katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi masasabi ng tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahangad, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil sa mga karumihan ng kanilang isipan at mga saloobin, narurumihan ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang isang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibidwal na kondisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspekto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kondisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay palaging limitado—hindi nito kayang ganap na kumatawan sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay hindi maituturing bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang katugma ng ipinahayag ng tao ang mga layunin ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa gawain ng pagpeperpekto na nilalayong gawin ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang nakamit mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay walang mga kalipikasyon o hindi tumutugon sa mga kondisyon ng pagiging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang mga tao ay mayroong sarili nilang mga prinsipyo para sa paggawa, at ang lahat ay may iba’t ibang karanasan at nagtataglay ng iba-ibang mga kondisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa kung ano ang tao at hindi kumakatawan sa pagiging Diyos ng Diyos o sa mga layunin ng Banal na Espiritu. Samakatwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ganap na mga layunin ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling mauwi sa mga regulasyon, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan sa limitadong saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang paraan. Karamihan sa mga tagasunod ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin sa saklaw nito. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, kung tutuusin, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga regulasyon; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga regulasyon sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay hindi nalilimitahan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya maibubuod ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t labis na may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong pag-usad, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo maarok ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga regulasyon ang mga tagasunod ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Iyon lamang mga sumusunod at naghahangad sa Kanya nang may totoong puso ang maaaring mabago ang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi nalilimitahan ng anumang mga regulasyon o napipigilan ng mga relihiyosong kuru-kuro. Ang mga hinihingi ng gawain ng tao sa mga tao ay batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang kaya niya mismong makamtan. Ang mga hinihinging pamantayan na ito ay limitado sa loob ng isang partikular na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tagasunod na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga regulasyon at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamumunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang tagasunod ay magiging relihiyonista at mga eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatwid, kung ang isang tao ay isang lider na pasok sa pamantayan, dapat nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Iyong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at di-praktikal na mga bagay lamang ang ipinapahayag. Kung aakayin nila ang mga tao sa loob ng mahabang panahon, igigiya nila ang mga tao tungo sa malabo at sobrenatural na mga regulasyon. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi naaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga kaisipan ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi tinataglay ng mga hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 179

Ang gawain sa isip ng tao ay napakadaling makamit ng tao. Ang mga pastor at pinuno sa relihiyosong mundo, halimbawa, ay umaasa sa kanilang mga kaloob at katungkulan upang gawin ang kanilang gawain. Ang mga taong sumusunod sa kanila sa loob ng mahabang panahon ay mahahawa sa kanilang mga kaloob at maiimpluwensiyahan ng ilan sa kung ano sila. Nakatuon sila sa mga kaloob, abilidad, at kaalaman ng mga tao, at nagbibigay-pansin sa higit-sa-karaniwang mga bagay at sa maraming malalim at di-makatotohanang doktrina (mangyari pa, ang malalalim na doktrinang ito ay hindi matatamo). Hindi sila nakatuon sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, kundi sa halip ay sa pagsasanay sa mga abilidad ng mga tao na mangaral at gumawa, at sa pagpapabuti ng kanilang kaalaman sa Bibliya at mga espirituwal na teorya. Hindi nila pinagtutuunan kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ng mga tao o kung gaano nagbabago ang kanilang mga buhay disposisyon, at wala silang pakialam kahit kaunti sa tiwaling diwa ng mga tao, lalong hindi nila sinusubukang alamin ang mga normal at abnormal na kalagayan ng mga tao. Hindi nila sinasalungat ang mga kuru-kuro ng mga tao, ni hindi nila inilalantad ang kanilang mga kuru-kuro, lalong hindi nila pinupungusan ang mga tao sa kanilang mga kakulangan o mga katiwalian. Karamihan sa mga sumusunod sa kanila ay naglilingkod gamit ang kanilang mga kaloob, at ang tanging inilalabas nila ay mga relihiyosong kuru-kuro at mga teoryang teolohikal, na hiwalay sa realidad at sadyang hindi makakatulong sa kanila na magkamit ng buhay. Sa katunayan, ang diwa ng kanilang gawain ay paglilinang sa mga indibidwal na may talento, paglilinang sa isang tao na walang kahit ano tungo sa isang natatanging gradweyt ng seminaryo na humahayo upang gumawa at mamuno kalaunan. Kaya mo bang arukin ang mga batas sa anim na libong taon ng gawain ng Diyos? Maraming regulasyon at limitasyon sa gawaing ginagawa ng tao, at masyadong dogmatiko ang utak ng tao. Sa gayon, ang ipinapahayag ng tao ay kaalaman at pagkatanto na nasa loob ng saklaw ng kanyang mga karanasan. Hindi magawang ipahayag ng tao ang anuman bukod dito. Ang mga karanasan o kaalaman ng tao ay hindi nanggagaling sa kanyang likas na mga kaloob o kanyang instinto; lumalabas ang mga ito dahil sa patnubay at tuwirang pagpastol ng Diyos. Mayroon lamang pakultad ang tao na tanggapin ang pagpastol na ito at walang pakultad na maaaring tuwirang ipahayag kung ano ang pagka-Diyos. Hindi kaya ng tao na maging bukal; maaari lamang siyang maging isang sisidlan na tumatanggap ng tubig mula sa bukal. Ito ang instinto ng tao, ang pakultad na dapat taglayin ng isang tao bilang tao. Kung mawala sa isang tao ang pakultad na tumatanggap sa salita ng Diyos at mawala ang instinto ng tao, mawawala rin sa taong iyon ang pinakamahalaga, at mawawala ang tungkulin ng taong nilikha. Kung ang isang tao ay walang kaalaman o karanasan sa salita ng Diyos o sa Kanyang gawain, mawawala sa taong iyon ang kanyang tungkulin, ang tungkuling dapat niyang gampanan bilang isang nilikha, at mawawala ang dignidad ng isang nilikha. Instinto ng Diyos na ipahayag kung ano ang pagka-Diyos, ipinapahayag man ito sa katawang-tao o nang tuwiran sa pamamagitan ng Espiritu; ito ang ministeryo ng Diyos. Ipinapahayag ng tao ang kanyang sariling mga karanasan o kaalaman (ibig sabihin, ipinapahayag niya kung ano siya) sa panahon ng gawain ng Diyos o pagkatapos; ito ang instinto at tungkulin ng tao, ito ang dapat makamit ng tao. Bagama’t ang ipinapahayag ng tao ay malayong-malayo sa ipinapahayag ng Diyos, at puno ito ng maraming regulasyon, kailangang tuparin nang maayos ng tao ang tungkuling dapat niyang tuparin nang maayos at gawin ang kailangan niyang gawin. Dapat gawin ng tao ang lahat ng posibleng gawin ng tao upang tuparin nang maayos ang kanyang tungkulin, at dapat ay hindi siya magpigil kahit kaunti.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 180

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Maraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Sa paggawa ng Kanyang gawain, nagpapahayag din ang Diyos kung ano Siya, ngunit ang Kanyang pagiging Diyos ay naiiba sa pagiging tao ng tao. Kung ano ang tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang kapaligiran ay nagpapahayag ng iba’t ibang anyo ng kung ano sila. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa lipunan. Alam Niya ang diwa ng tao sa loob at labas, at kayang ilantad ang iba’t ibang pagsasagawa ng lahat ng uri ng tao. Higit pa rito, kaya Niyang ilantad ang mga tiwaling disposisyon at mapaghimagsik na pag-uugali ng tao. Hindi Siya namumuhay sa gitna ng mga tao sa mundo, ngunit alam Niya ang kalikasan ng mga mortal at ang lahat ng katiwalian ng mga tao sa mundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang lahat ng panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang kalikasan ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at mga kahanga-hangang bagay na mahirap maarok ng tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa tao at tago rin sa tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi kung ano ang isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagiging Diyos ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga salita ng mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na walang pagkatao, at hindi nakakaunawa sa buhay ng tao o sa mga pamantayan ng pagkatao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang inilalantad ang mababang-uri at mababang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa sa kung ano ang kahit sinong tao na may laman at dugo. Hindi na Niya kailangang dumaan sa karagdagang hakbang ng pagdanas ng isang komplikado, masalimuot, at nakaririmarim na buhay sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ilantad ang diwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na buhay sa lipunan ay hindi kayang “luminang” sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay naglalantad lamang ng paghihimagsik ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paglalantad ng pagiging hindi matuwid ng tao pagkatapos ng matagal na pagkakaalam sa paghihimagsik ng tao at pagkamuhi sa katiwalian ng sangkatauhan. Ang lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay nagdudulot na ang Kanyang disposisyon ay makilala ng tao at nagpapahayag ng Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring makamit ng isang taong may laman at dugo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 181

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang mga nauugnay na karanasan pagkatapos maranasan ang ilang katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga regulasyon at hindi sakop ng mga limitasyon ng panahon o heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya anumang oras at saanmang lugar. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kondisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang pagkakilala sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Kung ang isang bagay ay ang gawain ng Diyos Mismo o ang gawain ng tao, malalaman mo ang kaibahan hangga’t ikinukumpara mo ang dalawa. Kung walang gawaing ginawa ang Diyos Mismo at mayroon lamang gawain ng tao, malalaman mo lamang na ang mga turo ng mga taong ito ay mataas, higit sa kapasidad ng iba pa, at na ang tono ng kanilang pagsasalita, kanilang mga prinsipyo sa pamamahala sa mga bagay-bagay, at kanilang bihasa at matatag na paraan sa paggawa ay hindi kayang abutin ng iba. Hinahangaan ninyong lahat ang mga taong ito na mahusay ang kakayahan at mataas ang kaalaman, ngunit hindi mo nakikita mula sa gawain at mga salita ng Diyos kung gaano kataas ang Kanyang pagkatao. Sa halip, Siya ay pangkaraniwan, at kapag gumagawa, Siya ay normal at praktikal subalit hindi rin masukat ng mga mortal, kaya nga nagkakaroon ang mga tao ng isang uri ng pusong may takot. Sa gawain ng isang tao, ang karanasan niya ay maaaring partikular na mataas, o ang kanyang imahinasyon at pangangatwiran ay maaaring partikular na mataas, at ang kanyang pagkatao ay maaaring partikular na mabuti; ang mga bagay na ito ay kaya lamang makuha ang paghanga ng mga tao, ngunit hindi mapupukaw ng mga ito ang kanilang takot at pangamba. Hinahangaan ng lahat ng tao iyong mga may kapabilidad sa gawain, na may partikular na malalim na karanasan, at kayang magsagawa ng katotohanan, ngunit hindi kaya ng gayong mga tao kailanman na pumukaw ng takot, kundi paghanga lamang at inggit. Ngunit ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay hindi humahanga sa Diyos; sa halip, pakiramdam nila ay hindi maaabot at maaarok ng tao ang Kanyang gawain, at ito ay bago at kamangha-mangha. Kapag nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos, ang una nilang nalalaman tungkol sa Kanya ay na Siya ay di-maarok, marunong, at kamangha-mangha, at natural silang nagsisimulang matakot sa Kanya; nararamdaman nila na misteryoso ang gawaing Kanyang ginagawa, at hindi maunawaan ng isip ng tao. Nais lamang ng mga tao na matugunan ang Kanyang mga hinihingi, matugunan ang Kanyang mga layunin; ayaw nilang malampasan Siya, dahil ang gawaing Kanyang ginagawa ay lagpas sa limitasyon ng isip at imahinasyon ng tao at hindi magagawa ng tao bilang kapalit Niya. Kahit ang tao mismo ay hindi alam ang sarili niyang mga kakulangan, subalit nagbukas na ang Diyos ng isang bagong landas at pumarito sa gitna ng mga tao upang dalhin sila sa mas bago at mas magandang mundo, at sa gayon ay nakagawa ang sangkatauhan ng panibagong pagsulong at nagkaroon na ng bagong simula. Ang nadarama ng tao para sa Diyos ay hindi paghanga, o sa halip, hindi lamang paghanga. Ang kanilang pinakamalalim na karanasan ay takot at pagmamahal; ang pakiramdam nila ay na ang Diyos ay talagang kamangha-mangha. Gumagawa Siya ng gawaing hindi kayang gawin ng tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi kayang sabihin ng tao. Ang mga taong nakaranas na ng gawain ng Diyos ay laging mayroong di-maipaliwanag na damdamin. Ang mga taong may sapat na lalim ng karanasan ay nauunawaan ang pagmamahal ng Diyos; nadarama nila ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, na ang Kanyang gawain ay napakamarunong, lubhang kamangha-mangha, at sa gayon ay nabubuo sa kanila ang hindi nauubos na kapangyarihan. Hindi iyon takot o paminsan-minsang pagmamahal at paggalang, kundi isang malalim na pakiramdam ng habag at pagpaparaya ng Diyos sa tao. Gayunman, ang mga taong nakaranas na ng Kanyang pagkastigo at paghatol ay nararamdaman ang Kanyang pagiging maharlika at na hindi Siya nalalabag. Kahit ang mga taong nakaranas na ng marami sa Kanyang gawain ay hindi Siya maarok; alam ng lahat ng tunay na may takot sa Kanya na ang Kanyang gawain ay hindi nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kundi palaging kumokontra sa kanilang mga kuru-kuro. Hindi Niya kailangang hangaan Siya nang lubusan ng mga tao o magpakita ng pagpapasakop sa Kanya sa panlabas; sa halip, dapat silang magkamit ng tunay na takot at tunay na pagpapasakop. Sa Kanyang maraming gawain, sinumang may tunay na karanasan ay nagkakaroon ng isang pusong may takot sa Kanya, na mas mataas kaysa paghanga. Nakita na ng mga tao ang Kanyang disposisyon dahil sa Kanyang gawain ng pagkastigo at paghatol, at sa gayon ay nagkakaroon sila ng pusong may takot sa Kanya. Nararapat na katakutan ang Diyos at magpasakop sa Kanya, dahil ang Kanyang pagiging Diyos at Kanyang disposisyon ay hindi kapareho ng sa isang nilikha at mas mataas sa isang nilikha. Ang Diyos ay umiiral nang nagsasarili at walang katapusan, at hindi Siya isang nilalang, at ang Diyos lamang ang karapat-dapat sa takot at pagpapasakop; hindi kalipikado ang tao para dito. Kaya, lahat ng nakaranas na ng Kanyang gawain at tunay na nakakilala sa Kanya ay nagkakaroon ng pusong may takot sa Kanya. Gayunman, iyong mga ayaw bumitaw sa kanilang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya—iyong mga talagang hindi Siya itinuturing na Diyos—ay ganap na walang pusong may takot sa Diyos, at bagama’t sumusunod sila sa Kanya, hindi sila nalupig; sila ay likas na mapaghimagsik na mga tao. Ang nais Niyang makamtan sa pamamagitan ng paggawa ng gayon ay para lahat ng nilikha ay magkaroon ng pusong may takot sa Lumikha, sumamba sa Kanya, at magpasailalim sa Kanyang kapamahalaan nang walang pasubali. Ito ang huling resultang nais makamit ng lahat ng Kanyang gawain. Kung ang mga taong nakaranas na ng gayong gawain ay walang pusong may takot sa Diyos, kahit kaunti, at kung ang kanilang dating pagiging mapaghimagsik ay hindi man lamang nagbabago, siguradong ititiwalag sila. Kung ang saloobin ng isang tao sa Diyos ay para lamang hangaan Siya o magpakita ng paggalang sa Kanya mula sa malayo, at hindi para mahalin Siya kahit katiting, ito ang resultang naabot ng isang taong walang mapagmahal-sa-Diyos na puso, at wala sa taong iyon ang mga kondisyon para magawang perpekto. Kung hindi kayang matamo ng napakaraming gawain ang tunay na pagmamahal ng isang tao, hindi nakamit ng taong iyon ang Diyos at hindi niya tunay na hinahangad ang katotohanan. Ang isang taong hindi mahal ang Diyos ay hindi mahal ang katotohanan at sa gayon ay hindi makakamit ang Diyos, lalong hindi niya matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang gayong mga tao, paano man nila nararanasan ang gawain ng Banal na Espiritu, at paano man nila nararanasan ang paghatol, ay hindi magawang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Ito ay mga taong hindi mababago ang kalikasan at may sukdulang nakakasuklam na mga disposisyon. Lahat ng walang may-takot-sa-Diyos na puso ay ititiwalag, magiging mga pakay ng kaparusahan, at maparurusahan tulad ng mga gumagawa ng kasamaan, magdurusa nang higit pa kaysa sa mga nakagawa ng mga bagay na hindi matuwid.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 182

Kung tutuusin, ang gawain ng Diyos ay iba sa gawain ng tao, kaya paano magiging posible na ang Kanyang mga pagpapahayag ay katulad ng mga pagpapahayag ng tao? Ang Diyos ay may sariling partikular na disposisyon, samantalang ang tao ay may mga tungkuling dapat niyang gampanan. Ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos sa Kanyang gawain, samantalang ang tungkulin ng tao ay isinasakatawan sa mga karanasan ng tao at ipinapamalas sa mga paghahangad ng tao. Kung gayon, nagiging malinaw ito sa pamamagitan ng gawaing ginagawa kung ang isang bagay ay pagpapahayag ng Diyos o pagpapahayag ng tao. Hindi kinakailangang maipaliwanag ito ng Diyos Mismo, ni hinihingi nito na magsikap ang tao na magpatotoo, lalong hindi nito kinakailangan ang Diyos Mismo para supilin ang sinumang tao. Dumarating ang lahat ng ito bilang isang natural na pagbubunyag; hindi ito pinipilit o isang bagay na maaaring pakialaman ng tao. Nalalaman ang tungkulin ng tao sa pamamagitan ng kanyang mga karanasan, at hindi ito nangangailangan na gumawa siya ng anumang ekstrang gawaing batay sa karanasan. Naibubunyag ang buong diwa ng tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, samantala, naipapahayag ng Diyos ang Kanyang likas na disposisyon habang ginagawa ang Kanyang gawain. Kung ito ay gawain ng tao, hindi ito matatakpan. Kung ito ay gawain ng Diyos, mas imposibleng maitago ng sinuman ang disposisyon ng Diyos, at lalo pang hindi makokontrol ng tao. Walang tao na matatawag na Diyos, lalong hindi maituturing ang kanyang gawain at mga salita bilang banal o maituturing na hindi nababago. Maaaring masabi na tao ang Diyos dahil binihisan Niya ang Sarili Niya ng laman, ngunit hindi maituturing ang gawain Niya bilang gawain ng tao o tungkulin ng tao. Higit pa rito, ang mga pagbigkas ng Diyos at ang mga sulat ni Pablo ay hindi maipagpapantay, ni maituturing na magkapantay ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang mga salita ng pagtuturo ng tao. Kung gayon, may mga prinsipyo na nagsasabi ng kaibahan ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Makikita ang mga pagkakaiba nito ayon sa diwa ng mga ito, hindi sa saklaw ng gawain o pansamantalang bisa nito. Sa paksang ito, karamihan sa mga tao ay nakagagawa ng mga pagkakamali sa prinsipyo. Ito ay sa kadahilanang tumitingin ang tao sa panlabas, na kaya niyang maabot, samantalang tumitingin ang Diyos sa diwa, na hindi namamasdan ng pisikal na mga mata ng sangkatauhan. Kung itinuturing mo ang mga salita at gawain ng Diyos bilang tungkulin ng karaniwang tao, at tinitingnan ang malawak na gawain ng tao bilang gawain ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao sa halip na tungkuling ginagampanan ng tao, hindi ba’t nagkakamali ka sa prinsipyo? Ang mga sulat at mga talambuhay ng tao ay madaling naisusulat, ngunit tanging sa saligan lamang ng gawain ng Banal na Espiritu. Gayumpaman, ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos ay hindi madaling naisasakatuparan ng tao o nakakamit ng karunungan at pag-iisip ng tao, lalong hindi naipapaliwanag ang mga ito nang lubos ng mga tao matapos itong siyasatin. Kung ang mga usapin na ito ng prinsipyo ay hindi nagbubunsod ng anumang pagtugon sa inyo, pinatutunayan nito na ang inyong pananalig ay hindi totoong-totoo o metikuloso. Masasabi lamang na ang inyong pananalig ay puno ng kalabuan, at kapwa magulo at walang prinsipyo. Nang hindi man lang nauunawaan ang mga pinakapangunahing esensyal na usapin tungkol sa Diyos at tao, hindi ba’t ang ganitong uri ng pananalig ay pinakawalang pagkilatis?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Posisyon Mo sa Labintatlong Sulat?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 183

Nasa lupa si Jesus sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, pumarito Siya para gawin ang gawaing magpapako sa krus, at sa pamamagitan ng pagkapako sa krus ay nakamit ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Nang pumarito ang Diyos sa katawang-tao, nagawa Niyang magpakumbaba at maging tago, at magtiis ng matinding pagdurusa. Bagama’t Siya ang Diyos Mismo, tiniis pa rin Niya ang bawat kahihiyan at bawat paninira, at tiniis Niya ang matinding sakit ng maipako sa krus para tapusin ang gawain ng pagtubos. Nang matapos ang yugtong ito ng gawain, bagama’t nakita ng mga tao na nagkamit na ng dakilang kaluwalhatian ang Diyos, hindi ito ang kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian; isang bahagi lamang ito ng Kanyang kaluwalhatian, na nakamit na Niya mula kay Jesus. Bagama’t nagawang tiisin ni Jesus ang lahat ng pagdurusa, magpakumbaba at maging tago, at maipako sa krus para sa Diyos, natamo lamang ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, at natamo ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel. May isa pa ring bahagi ng kaluwalhatian ang Diyos: ang maparito sa lupa para praktikal na gumawa at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao. Sa yugto ng gawain ni Jesus, gumawa Siya ng ilang kahima-himalang mga bagay, ngunit ang yugtong iyon ng gawain ay hindi lamang upang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan. Ito una sa lahat ay para ipakita na kaya ni Jesus na magdusa, at maipako sa krus para sa Diyos, na nakayanang magdusa ni Jesus ng matinding sakit dahil minahal Niya ang Diyos at na, bagama’t pinabayaan Siya ng Diyos, handa pa ring Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa kalooban ng Diyos. Nang mabuo na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel at ipako si Jesus sa krus, nagtamo ng kaluwalhatian ang Diyos, at nagpatotoo na Siya sa harap ni Satanas. Hindi ninyo alam ni nakita kung paano nagkatawang-tao ang Diyos sa China, kaya paano ninyo makikita na nagtamo ang Diyos ng kaluwalhatian? Nakagawa ang Diyos ng maraming gawain ng paglupig sa inyo, at kayo ay nakapanindigan. Samakatwid, matagumpay ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at bahagi ito ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito lamang ang nakikita ninyo, at hindi pa kayo nagagawang perpekto ng Diyos, hindi pa ninyo naibibigay nang buo ang inyong puso sa Diyos. Hindi pa ninyo nakikita nang lubusan ang kaluwalhatiang ito; nakikita lamang ninyo na nalupig na ng Diyos ang inyong puso, na hindi ninyo Siya kailanman maiiwan, at susunod kayo sa Diyos hanggang sa pinakahuli at hindi magbabago ang inyong puso, at na ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Saan ninyo nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos? Sa mga epekto ng Kanyang gawain sa mga tao. Nakikita ng mga tao na lubhang kaibig-ibig ang Diyos, nasa puso nila ang Diyos, at ayaw nilang iwan Siya, at ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Lumago ang sigla ng mga kapatid ng mga iglesia. Kaya nilang mahalin ang Diyos mula sa kanilang puso, at makita ang sukdulang kapangyarihan ng gawaing ginawa ng Diyos, ang walang-kapantay na kapangyarihan ng Kanyang mga salita. Nakikita nila na may awtoridad ang Kanyang mga salita, at na kaya Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa lupa ng mga demonyo na ang mainland China. Bagama’t mahina ang mga tao, yumuyukod ang kanilang puso sa harap ng Diyos at handa silang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Bagama’t sila ay mahina at hindi karapat-dapat, nagagawa nilang makita na lubhang kaibig-ibig ang mga salita ng Diyos, at lubhang karapat-dapat sa kanilang pagpapahalaga. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Kapag dumating ang araw na gagawing perpekto ng Diyos ang mga tao, at nagagawa nilang sumuko sa Kanyang harapan, at ganap na magpasakop sa Diyos, at iwanan ang kanilang mga inaasam at kapalaran sa mga kamay ng Diyos, lubos nang natamo ang ikalawang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos. Ibig sabihin, kapag lubos na nabuo ang gawain ng praktikal na Diyos, magwawakas na ang Kanyang gawain sa mainland China. Sa madaling salita, kapag nagawa nang perpekto ang mga itinalaga at hinirang ng Diyos, nagtamo na ng kaluwalhatian ang Diyos. Sinabi ng Diyos na dinala na Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian sa Silangan, subalit hindi ito nakikita ng mata. Dinala na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Silangan—pumarito na Siya sa Silangan. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Ngayon, bagama’t kailangan pang tapusin ang Kanyang gawain, dahil nagpasya nang gumawa ang Diyos, tiyak na maisasagawa ito. Nagpasya na ang Diyos na tatapusin Niya ang gawaing ito sa China, at nagpasya na Siya na gawin kayong ganap. Kaya, hinarangan Niya ang lahat ng posibleng paraan ng pag-atras ninyo—nalupig na Niya ang inyong puso, at kailangang magpatuloy ka gustuhin mo man o hindi, at kapag nakamit kayo ng Diyos, nagkakamit ang Diyos ng kaluwalhatian. Ngayon, hindi pa ganap na nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian, dahil hindi pa kayo nagagawang ganap. Bagama’t nagbalik-loob na ang inyong puso sa Diyos, marami pa ring kahinaan sa inyong laman, wala kayong kakayahang palugurin ang Diyos, hindi ninyo nagagawang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at marami pa rin kayong taglay na negatibong mga bagay na dapat ninyong iwaksi. Kailangan pa rin kayong sumailalim sa maraming pagsubok at pagpipino—sa gayong paraan lamang magbabago ang mga disposisyon ninyo sa buhay at makakamit kayo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Maikling Pagtalakay Tungkol sa “Dumating Na ang Milenyong Kaharian”

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 184

Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng nanampalataya sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay nanampalataya sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay nanampalataya sa Kanya, hindi ka na sa kasalanan, inalis sa iyo ang iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng matubos, at mapawalang-sala ng pananalig. Ngunit sa mga nanampalataya, mayroon pa ring nanatiling mga bagay na mapaghimagsik at kontra sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang pagtubos ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t nanampalataya ka sa Kanya, hindi ka na nasa kasalanan pa. Sa panahong iyon, si Jesus ay gumawa ng maraming gawain na hindi maintindihan ng Kanyang mga disipulo, at nagsabi ng maraming bagay na hindi naunawaan ng mga tao. Ito ay dahil, sa panahong iyon, hindi Siya nagbigay ng anumang paliwanag. Kaya, ilang taon pagkatapos Niyang umalis, nilikha ni Mateo ang talaangkanan ni Jesus, at gumawa rin ang iba ng maraming gawain na naaayon sa kalooban ng tao. Hindi pumarito si Jesus upang gawing perpekto at kamitin ang tao, kundi upang magsagawa ng isang yugto ng gawain: ang dalhin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit at tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus. At kaya, nang naipako na sa krus si Jesus, ang Kanyang gawain ay lubos nang natapos. Ngunit sa kasalukuyang yugto—ang gawain ng paglupig—mas maraming salita ang dapat ipahayag, mas maraming gawain ang dapat isagawa, at kailangang magkaroon ng maraming proseso. Kaya dapat ding mabunyag ang mga misteryo ng gawain nina Jesus at Jehova, nang sa gayon ay magkakaroon ang lahat ng tao ng pang-unawa at kalinawan sa kanilang pananampalataya, dahil ito ang gawain sa mga huling araw, at ang mga huling araw ang kongklusyon ng gawain ng Diyos, ang panahon ng pagtatapos ng gawain. Gagawing ganap na malinaw para sa iyo ng yugtong ito ng gawain ang kautusan ni Jehova at ang pagtubos ni Jesus, at pangunahin na ito’y upang maunawaan mo ang buong gawain ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at maunawaan mo ang lahat ng kabuluhan at diwa ng anim na libong taong planong ito ng pamamahala, at maunawaan ang layunin ng lahat ng gawaing isinagawa ni Jesus at ng mga salitang Kanyang sinabi, at maging ang iyong pikit-matang paniniwala at pagsamba sa Bibliya. Tutulutan ka nito na lubos na maunawaan ang lahat ng ito. Magagawa mong maunawaan kapwa ang gawain na ginawa ni Jesus, at ang gawain ng Diyos ngayon; mauunawaan at mapagmamasdan mo ang lahat ng katotohanan, buhay, at daan. Sa yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus, bakit umalis si Jesus nang hindi ginagawa ang pagtatapos na gawain? Dahil ang yugto ng gawain ni Jesus ay hindi ang gawain ng pagtatapos. Nang Siya ay ipinako sa krus, ang Kanyang mga salita ay natapos din; matapos ang pagpapapako Niya sa krus, ang Kanyang gawain ay ganap nang nagwakas. Hindi ito kagaya ng kasalukuyang yugto, kung saan matatapos lamang ang gawain ng Diyos pagkatapos sambitin ang mga salita hanggang sa katapusan at magwakas ang Kanyang buong gawain. Sa yugto ng gawain ni Jesus, maraming salita ang nanatiling hindi naipahayag, o hindi naipahayag nang buong linaw. Ngunit hindi mahalaga kay Jesus kung ganap bang naipahayag ang Kanyang mga salita, dahil ang Kanyang ministeryo ay hindi ang ministeryo ng mga salita, kaya matapos Siyang ipako sa krus, Siya ay lumisan. Ang yugtong iyon ng gawain ay pangunahing para sa pagpapapako sa krus, at hindi katulad ng kasalukuyang yugto. Ang kasalukuyang yugtong ito ng gawain ay pangunahing para sa pagtatapos, paglilinis, at paghahatid ng lahat ng gawain sa isang katapusan. Kung hindi binibigkas ang mga salita hanggang sa katapusan, magiging imposibleng matapos ang gawaing ito, dahil sa yugtong ito ng gawain, ang lahat ng gawain ay tinatapos at isinasakatuparan sa pamamagitan ng mga salita. Noong panahong iyon, nagsagawa si Jesus ng maraming gawain na hindi maunawaan ng tao. Siya ay tahimik na lumisan, at ngayon marami pa rin na hindi nakauunawa sa Kanyang mga salita. Mali ang pagkaunawa nila ngunit naniniwala pa rin sila na ito ay tama, at hindi alam na mali sila. Ang huling yugto ang magdadala ng gawain ng Diyos sa isang ganap na wakas at magbibigay ng kongklusyon nito. Magagawang maunawaan at malaman ng lahat ang plano ng pamamahala ng Diyos. Ang mga kuru-kuro sa loob ng tao, ang kanyang mga intensiyon, ang kanyang walang-katotohanang pagkaunawa, ang kanyang mga kuru-kuro sa gawain nina Jehova at Jesus, ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga walang pananampalataya, at ang lahat ng kanyang iba pang mga kabaluktutan ay itatama. At mauunawaan ng tao ang lahat ng tamang landas sa buhay, at ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at ang buong katotohanan. Kapag nangyari iyon, ang yugtong ito ng gawain ay matatapos na. Ang gawain ni Jehova ay ang paglikha sa mundo, iyon ang simula; ang yugtong ito ng gawain ay ang katapusan ng gawain, at ito ang kongklusyon. Sa simula, isinagawa ang gawain ng Diyos sa mga taong hinirang sa Israel, at ito ay gawaing nagbukas ng bagong yugto sa pinakabanal sa lahat ng lugar. Ang huling yugto ng gawain ay isinasagawa sa pinakamarumi sa lahat ng bansa, upang hatulan ang mundo at wakasan ang kapanahunan. Sa unang yugto, ang gawain ng Diyos ay isinagawa sa pinakamaliwanag na lugar sa lahat, at ang huling yugto ay isinasagawa sa pinakamadilim na lugar sa lahat, at ang kadilimang ito ay itataboy, ang liwanag ay dadalhin, at ang lahat ng tao ay malulupig. Kapag ang mga tao sa ganitong pinakamarumi at pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, at kinilala ng buong populasyon na mayroong Diyos, na Siyang tunay na Diyos, at ang bawat tao ay lubusan nang nakumbinsi, ang katunayang ito ay gagamitin upang isagawa ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob. Ang yugtong ito ng gawain ay representatibo. Kapag natapos na ang gawain sa kapanahunang ito, ang gawain ng anim na libong taon ng pamamahala ay ganap nang magwawakas. Sa oras na ang mga nasa pinakamadilim sa lahat ng lugar ay nalupig na, tiyak na ganoon din ang mangyayari sa iba pang lugar. Kung gayon, tanging ang gawain ng panlulupig sa Tsina ang nagtataglay ng representatibong kabuluhan. Kinakatawan ng Tsina ang lahat ng puwersa ng kadiliman, at ang mga tao sa Tsina ay kumakatawan sa lahat ng sa laman, kay Satanas, at sa karnalidad. Ang mga Tsino ang pinakaginawang tiwali ng malaking pulang dragon, ang may pinakamasidhing pagsalungat sa Diyos, na ang pagkatao ay pinakamababa at pinakamarumi, at kaya sila ang tipikal na halimbawa ng lahat ng tiwaling sangkatauhan. Hindi ito nangangahulugan na walang anumang problema sa ibang mga bansa; ang mga kuru-kuro ng tao ay magkakaparehong lahat, at bagama’t ang mga tao sa mga bansang ito ay maaaring mayroong mahusay na kakayahan, kung hindi nila kilala ang Diyos, tiyak na sinasalungat nila Siya. Bakit kumontra at naghimagsik din ang mga Hudyo laban sa Diyos? Bakit kinontra rin Siya ng mga Pariseo? Bakit ipinagkanulo ni Hudas si Jesus? Sa panahong iyon, marami sa mga disipulo ang hindi nakakilala kay Jesus. Bakit, pagkatapos ipako sa krus si Jesus at muling mabuhay, ay hindi pa rin nananampalataya sa Kanya ang mga tao? Hindi ba’t pare-pareho lamang ang paghihimagsik ng tao? Ginagawa lamang halimbawa ang mga tao ng Tsina, at kapag sila ay nalupig, sila ay magiging mga huwaran at uliran, at magsisilbing reperensiya para sa iba. Bakit palagi Kong sinasabi na kayo ay dugtong sa Aking plano ng pamamahala? Sa mga tao sa Tsina pinakalubos na naipapamalas ang katiwalian, karumihan, pagiging di-matuwid, pagsalungat, at paghihimagsik sa lahat ng iba’t ibang anyo ng mga ito. Sa isang banda, sila ay may mahinang kakayahan, at sa kabilang banda, ang kanilang mga buhay at pag-iisip ay paurong, at ang kanilang mga gawi, kapaligirang panlipunan, pamilya ng kapanganakan—ang lahat ay salat at pinakapaurong. Ang kanilang katayuan ay mababa rin. Ang gawain sa lugar na ito ay representatibo, at pagkatapos ganap na gawin itong gawain ng pagsubok, ang susunod na gawain ng Diyos ay magiging higit na madali. Kapag natapos na ang hakbang na ito ng gawain, ang susunod na gawain ay hindi na magiging mahirap kahit kaunti. Sa oras na maisakatuparan na ang hakbang na ito ng gawain, lubos nang makakamit ang malaking tagumpay, at ang gawain ng paglupig sa buong sansinukob ay ganap nang magwawakas.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (2)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 185

Ang paggawa ngayon sa mga inapo ni Moab ay pagliligtas sa mga nahulog sa pinakamatinding kadiliman. Bagama’t sila ay isinumpa, ang Diyos ay handang magkamit ng kaluwalhatian mula sa kanila. Ito ay dahil lahat sila noong una ay mga taong wala ang Diyos sa kanilang puso, at ang idulot lamang iyong mga wala ang Diyos sa kanilang puso na magpasakop sa Diyos at mahalin Siya ang tunay na paglupig. Ang gayong mga resulta ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga at pinakakapani-paniwala. Ito lamang ang pagkakamit ng kaluwalhatian—ito ang kaluwalhatiang nais makamit ng Diyos sa mga huling araw. Bagama’t mababa ang posisyon ng mga taong ito, na nagagawa na nila ngayong makamit ang gayon kadakilang kaligtasan ay tunay na isang pagtataas ng Diyos. Ang gawaing ito ay napakamakahulugan: Ang layunin ay ang makamit ang mga taong ito sa pamamagitan ng paghatol—hindi ang parusahan sila, kundi ang iligtas sila. Kung, sa mga huling araw, isinasagawa pa rin Niya ang gawain ng paglupig sa Israel, mawawalan ito ng kabuluhan; magkaroon man ito ng bunga, hindi ito magkakaroon ng halaga o anumang malaking kabuluhan, at hindi Siya magkakamit ng buong kaluwalhatian. Ang paggawa sa inyo ay ang paggawa sa mga nahulog sa pinakamadilim sa lahat ng lugar, sa mga pinakaatrasado. Hindi kinikilala ng mga taong ito na may Diyos at hindi nalaman kailanman na may Diyos. Ang mga nilikhang ito ay nagawang tiwali ni Satanas hanggang sa antas na nalimutan na nila ang Diyos. Dahil nabulag na sila ni Satanas, hindi man lang nila alam na may Diyos sa langit. Sa inyong puso, lahat kayo ay sumasamba sa mga diyos-diyosan at sumasamba kay Satanas—hindi ba kayo ang pinakahamak, ang pinakaatrasadong mga tao? Kayo ang pinakahamak sa lahat ng laman, walang anumang personal na kalayaan, at dumaranas din kayo ng mga paghihirap. Kayo rin ang mga tao sa pinakamababang antas ng lipunang ito, na wala kahit ng kalayaang manampalataya. Narito ang kabuluhan ng paggawa sa inyo. Ang paggawa sa inyo ngayon, mga inapo ni Moab, ay hindi para hiyain kayo, kundi para ihayag ang kabuluhan ng gawain. Para sa inyo, ito ay isang dakilang pagtataas. Kung ang isang tao ay may katwiran at kabatiran, sasabihin niya: “Ako ay isang inapo ni Moab, na tunay na hindi karapat-dapat na tumanggap ngayon ng ganito kadakilang pagtataas ng Diyos, o ng gayon kadakilang mga pagpapala. Sa lahat ng aking ginagawa at sinasabi, at ayon sa aking katayuan at kahalagahan, ni hindi man lang ako karapat-dapat sa gayon kadakilang mga pagpapala mula sa Diyos. Ang mga Israelita ay may dakilang pagmamahal sa Diyos, at ang biyaya na kanilang tinatamasa ay ipinagkakaloob Niya sa kanila, ngunit ang kanilang katayuan ay mas mataas kaysa sa atin. Si Abraham ay lubhang tapat kay Jehova, at si Pedro ay lubhang tapat kay Jesus—ang kanilang katapatan ay isandaang ulit na nakahihigit kaysa sa atin. Batay sa ating mga kilos, talagang hindi tayo karapat-dapat na magtamasa ng biyaya ng Diyos.” Ang pagseserbisyo ng mga taong ito sa Tsina ay hindi talaga maaaring iharap sa Diyos. Napakagulo nito; ang labis na pagtatamasa ninyo ngayon ng biyaya ng Diyos ay pagtataas lamang ng Diyos! Kailan ba ninyo hinangad ang gawain ng Diyos? Kailan ba ninyo naisakripisyo ang inyong buhay para sa Diyos? Kailan ba ninyo natalikuran kaagad ang inyong pamilya, inyong mga magulang, at inyong mga anak? Walang sinuman sa inyo ang nakapagsakripisyo ng gayon kalaki! Kung hindi ka nailabas ng Banal na Espiritu, ilan kaya sa inyo ang nakapagsakripisyo ng lahat? Sumunod lamang kayo hanggang ngayon dahil napuwersa at napilitan kayo. Nasaan ang inyong katapatan? Nasaan ang inyong pagpapasakop? Batay sa inyong mga kilos, dapat ay matagal na kayong napuksa—lahat kayo ay dapat na naalis. Ano ang nagawa ninyo para magtamasa ng gayon kadakilang mga pagpapala? Ni hindi kayo karapat-dapat! Sino sa inyo ang gumawa na ng sarili nilang landas? Sino sa inyo ang nakakita mismo sa tunay na daan? Lahat kayo ay mga tamad at matakaw na salbahe na nagpapakasasa sa kaginhawahan! Palagay ba ninyo ay napakagaling ninyo? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Kahit balewalain pa na kayo ay mga inapo ni Moab, napakataas ba ng inyong kalikasan o lugar ng kapanganakan? Kahit balewalain pa na kayo ay kanyang mga inapo, hindi ba mga inapo kayong lahat ni Moab, nang buong-buo? Mababago ba ang katotohanan ng mga bagay-bagay? Salungat ba sa katotohanan ng mga bagay-bagay ang paglalantad ng inyong kalikasan ngayon? Tingnan ninyo ang inyong pagkabusabos, ang inyong buhay, at ang inyong pag-uugali—hindi ba ninyo alam na kayo ang pinakahamak sa lahat ng hamak sa sangkatauhan? Ano ang ipinagmamayabang ninyo? Tingnan ninyo ang inyong katayuan sa lipunan. Hindi ba nasa pinakamababang antas kayo? Palagay ba ninyo mali ang sinasabi Ko? Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nagsakripisyo ng sarili nila, nag-alay ng buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, upang hanapin ang tunay na daan. Nagbayad na ba kayo ng ganoong halaga? Kung ikukumpara, ni hindi man lang kayo kalipikadong magtamasa ng gayon kalaking biyaya. Nasasaktan ba kayo kapag sinasabihan kayo ngayon na kayo ay mga inapo ni Moab? Huwag ninyong gaanong taasan ang tingin ninyo sa inyong sarili. Wala kayong dapat ipagmayabang. Ang gayon kadakilang kaligtasan, ang gayon kadakilang biyaya ay buong layang ibinibigay sa inyo. Wala kayong anumang inialay, subalit buong laya kayong nagtatamasa ng biyaya. Hindi ba kayo nahihiya? Ang tunay na daan bang ito ay isang bagay na hinanap at natagpuan ninyo mismo? Hindi ba ang Banal na Espiritu ang pumilit sa inyo na tanggapin ito? Hindi kayo nagkaroon kailanman ng pusong naghahanap, lalong wala kayong pusong naghahanap at nasasabik sa katotohanan. Paupo-upo lang kayo at tinatamasa ito; nakamit ninyo ang katotohanang ito nang wala ni katiting na pagsisikap. Ano ang karapatan ninyong magreklamo? Palagay ba ninyo ay napakahalaga ninyo? Kumpara sa mga nag-alay ng kanilang buong buhay at nagpadanak ng kanilang dugo, ano ang inirereklamo ninyo? Tama at natural lamang na puksain kayo ngayon! Wala kayong ibang pagpipilian kundi magpasakop at sumunod. Talagang hindi kayo karapat-dapat! Karamihan sa inyo ay tinawag, ngunit kung hindi kayo napilitan sa inyong sitwasyon o hindi kayo natawag, lubos ninyong aayawan ang lumabas. Sino ang handang gumawa ng gayong pagtalikod? Sino ang handang iwan ang mga kasiyahan ng laman? Kayong lahat ay mga taong nagpapakasasa sa kaginhawahan at naghahangad ng marangyang buhay! Nagkamit kayo ng napakadakilang mga pagpapala—ano pa ang masasabi ninyo? Ano ang mga reklamo ninyo? Tinulutan na kayong matamasa ang pinakadakilang mga pagpapala at pinakadakilang biyaya sa langit, at ngayon ay inihahayag sa inyo ang gawaing hindi pa nagawa sa lupa kailanman. Hindi ba ito isang pagpapala? Kinakastigo kayo nang ganito ngayon dahil lumaban at naghimagsik kayo laban sa Diyos. Dahil sa pagkastigong ito, nakita na ninyo ang awa at pagmamahal ng Diyos, at nakita na rin ninyo ang Kanyang katuwiran at kabanalan. Dahil sa pagkastigong ito at dahil sa karumihan ng sangkatauhan, nakita na ninyo ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at nakita na ninyo ang Kanyang kabanalan at kadakilaan. Hindi ba ito ang pinakapambihira sa mga katotohanan? Hindi ba ito isang buhay na may kahulugan? Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay puno ng kahulugan! Kaya, mas mababa ang inyong posisyon, mas pinatutunayan nito na itinataas kayo ng Diyos, at mas pinatutunayan nito ang malaking kahalagahan ng Kanyang gawain sa inyo ngayon. Ito ay sadyang isang kayamanang walang kasinghalaga, na hindi makukuha sa iba pang lugar! Sa pagdaan ng mga kapanahunan, walang sinumang nakapagtamasa ng gayon kadakilang kaligtasan. Ang katotohanan na mababa ang inyong posisyon ay nagpapakita kung gaano kadakila ang pagliligtas ng Diyos, at ipinapakita nito na ang Diyos ay tapat sa sangkatauhan—Siya ay nagliligtas, hindi namumuksa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 186

Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, hindi Siya sa mundo, at hindi Siya nagkakatawang-tao para tamasahin ang mundo. Ipinapanganak Siya kung saan man ibinubunyag ng gawain Niya ang Kanyang disposisyon at saan man ito nagiging pinakamakahulugan, ang lupain man ay banal o marumi. Saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, sadya lamang na nagawang tiwali ni Satanas ang mga ito. Gayumpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ibunyag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis lang Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito alang-alang sa pagpapatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito na ang Diyos ang pinakamataas. Ang Kanyang kadakilaan at pagkamatuwid ay mismong naipapamalas sa pagliligtas sa isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay hindi nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng mga nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas ibinubunyag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid, kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit namumuhay Siyang kasama ng mga taong puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba’t ginagawa ang Kanyang buong gawain para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng buong sangkatauhan? Hindi ba’t ang lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa pagliligtas. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang lahat ng Kanyang gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya namuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya nadudungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, nakatuon Siyang iligtas iyong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, gayumpaman ay iniaalay pa rin Niya nang walang pag-iimbot ang Kanyang Sarili, at tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan sa ganitong paraan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas marami ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa halagang inyong naibayad? Kayo ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, subalit nakamit ninyo ang kabanalan ng Diyos. Isinilang kayo sa isang lupain kung saan nagtitipon ang mga demonyo, subalit nakatanggap kayo ng malaking proteksyon. Ano pa ang pagpipilian ninyo? Ano ang inirereklamo ninyo? Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang natiis kaysa sa pagdurusang natiis ninyo? Naparito Siya sa lupa at hindi nagtamasa kailanman ng mga kasiyahan ng mundo ng tao. Kinasusuklaman Niya ang gayong mga bagay. Hindi pumarito ang Diyos sa lupa upang magtamasa ng mga materyal na bagay na bigay ng tao, ni upang masiyahan sa pagkain, damit, at mga palamuti ng tao. Hindi Niya pinapansin ang mga bagay na ito. Naparito Siya sa lupa upang magdusa para sa tao, hindi para magtamasa ng makamundong kaginhawahan. Naparito Siya upang magdusa, gumawa, at tapusin ang Kanyang plano ng pamamahala. Hindi Siya pumili ng isang magandang lugar na titirhan, gaya ng isang embahada o isang magarang hotel, at wala rin Siyang ilang katulong na magsisilbi sa Kanya. Batay sa inyong nakita, hindi ba ninyo alam kung naparito Siya upang gumawa o masiyahan? Hindi ba nakikita ng inyong mga mata? Hindi ba sapat ang ipinagkaloob Niya sa inyo? Kung Siya ay naisilang sa isang komportableng lugar, magagawa kaya Niyang magtamo ng kaluwalhatian? Makakagawa ba Siya? Magkakaroon kaya ng anumang kabuluhan ang paggawa Niya niyon? Malulupig kaya Niya nang lubusan ang sangkatauhan? Maililigtas kaya Niya ang mga tao mula sa lupain ng karumihan? Itinatanong ng mga tao, ayon sa kanilang mga kuru-kuro: “Yamang ang Diyos ay banal, bakit Siya isinilang dito sa aming maruming lugar? Namumuhi at nasusuklam Ka sa amin na maruruming tao; nasusuklam Ka sa aming paglaban at aming paghihimagsik, kaya bakit Ka namumuhay sa piling namin? Ikaw ay isang kataas-taasang Diyos. Maaari Kang isilang kahit saan, kaya bakit Mo kinailangang maisilang sa maruming lupaing ito? Kinakastigo at hinahatulan Mo kami araw-araw, at alam na alam Mo na kami ay mga inapo ni Moab, kaya bakit namumuhay Ka pa rin sa piling namin? Bakit Ka isinilang sa isang pamilya ng mga inapo ni Moab? Bakit Mo ginawa iyon?” Ang mga iniisip ninyong ito ay lubos na wala sa katwiran! Ang gayong gawain lamang ang nagtutulot sa mga tao na makita ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang kapakumbabaan at pagiging tago. Handa Siyang isakripisyo ang lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at pinagtiisan Niya ang lahat ng pagdurusa para sa Kanyang gawain. Kumikilos Siya para sa kapakanan ng sangkatauhan, at higit pa riyan, para lupigin si Satanas at hayaan ang lahat ng nilikha na magpasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Ito lamang ang makahulugan at mahalagang gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 187

Sa panahong si Jesus ay gumawa sa Judea, gumawa Siya nang lantaran, ngunit ngayon, gumagawa at nagsasalita Ako sa gitna ninyo nang lihim. Ganap na hindi ito alam ng mga Hentil. Ang Aking gawain sa gitna ninyo ay sarado sa mga nasa labas. Ang mga salitang ito, ang mga pagkastigo at mga paghatol na ito, ay alam lamang ninyo at hindi ng iba pa. Lahat ng gawaing ito ay isinasagawa sa gitna ninyo at inihahayag lamang sa inyo; wala sa mga Hentil ang nakakaalam nito, dahil hindi pa dumarating ang oras. Malapit nang magawang ganap ang mga taong narito matapos na tiisin ang mga pagkastigo, ngunit walang alam ang mga nasa labas tungkol dito. Masyadong nakatago ang gawaing ito! Para sa kanila, natatago ang Diyos na nagkatawang-tao, ngunit sa mga nasa daloy na ito, maaaring sabihin na Siya ay hayag. Bagama’t ang lahat ay bukas sa Diyos, ang lahat ay inihahayag, at ang lahat ay napapalaya, totoo lamang ito sa mga taong nananampalataya sa Kanya; kung ang mga nalalabi, ang mga Hentil, ang pag-uusapan, walang ipinaaalam sa kanila. Ang gawaing kasalukuyang isinasagawa sa gitna ninyo at sa Tsina ay mahigpit na nakasarado, upang hindi nila malaman. Kung malalaman nila ang gawaing ito, pagkondena at pag-uusig lamang ang gagawin nila rito. Hindi sila maniniwala rito. Ang paggawa sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pinakapaurong sa mga lugar, ay hindi isang madaling gawain. Kung ang gawaing ito ay ihahayag, magiging imposibleng magpatuloy ito. Ang yugtong ito ng gawain ay sadyang hindi maisasagawa sa lugar na ito. Kung ang gawaing ito ay isasagawa nang lantaran, paano nila pahihintulutan itong sumulong? Hindi ba ito magdadala ng mas malaking panganib sa gawain? Kung hindi itinago ang gawaing ito, at sa halip ay isinagawa tulad sa panahon ni Jesus, nang kamangha-mangha Siyang nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, hindi kaya matagal na itong “sinunggaban” ng mga diyablo? Kaya ba nilang tulutan ang pag-iral ng Diyos? Kung papasok Ako ngayon sa mga sinagoga upang mangaral at magbigay ng sermon sa tao, hindi kaya matagal na Akong nagkadurug-durog? At kung nangyari ito, paano patuloy na maisasagawa ang Aking gawain? Ang dahilan kung bakit ang mga tanda at kababalaghan ay hindi ipinapamalas nang lantaran kahit kaunti ay para sa pagkukubli. Kaya ang Aking gawain ay hindi maaaring makita, malaman, o matuklasan ng mga Hentil. Kung ang yugtong ito ng gawain ay gagawin sa parehong paraan tulad ng kay Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi ito magiging napakatatag gaya ngayon. Kaya, ang paggawa nang patago sa paraang ito ay kapaki-pakinabang sa inyo at sa buong gawain. Kapag ang gawain ng Diyos sa lupa ay dumarating na sa katapusan, ibig sabihin, kapag ang lihim na gawaing ito ay natatapos na, ang yugtong ito ng gawain ay biglang mahahayag. Malalaman ng lahat na may isang grupo ng mga mananagumpay sa China; malalaman ng lahat na nagkatawang-tao ang Diyos sa China at na dumating na sa pagtatapos ang Kanyang gawain. Doon lamang magliliwanag sa tao: Bakit hindi pa nagpapakita ang China ng paghina o pagbagsak? Lumalabas na ang Diyos ay personal na nagsagawa ng Kanyang gawain sa Tsina at ginawang perpekto ang isang grupo ng tao para maging mga mananagumpay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (2)

Sinundan: Pagkilala sa Gawain ng Diyos

Sumunod: Pagkilala sa Gawain ng Diyos II

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito