Pagkilala sa Gawain ng Diyos II

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 188

Bilang mga mananampalataya sa Diyos, dapat maunawaan ng bawat isa sa inyo na tunay mong natamo ang sukdulang pagtataas at pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap ngayon sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at sa lahat ng gawain ng Kanyang plano na ginagawa Niya sa iyo. Ganap na itinuon ng Diyos ang gawain Niya sa sansinukob sa grupong ito ng mga tao. Isinakripisyo na Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya para sa inyo; binawi at ibinigay na Niya sa inyo ang buong gawain ng Espiritu sa sansinukob. Ito ang dahilan kung bakit kayo ang mapapalad. Bukod pa rito, inilipat na Niya ang Kanyang kaluwalhatian mula sa Israel, ang Kanyang hinirang na mga tao, patungo sa inyo, at lubos Niyang ipamamalas ang layunin ng Kanyang plano sa pamamagitan ng grupong ito. Samakatwid, kayo ang mga tatanggap ng pamana ng Diyos, at higit pa rito, kayo ang mga magmamana ng kaluwalhatian ng Diyos. Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: “Sapagkat ang magaan na pagdurusa na panandalian lamang ay nagdudulot sa atin ng lalong dakila at walang hanggang kaluwalhatian.” Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan ng mga ito. Ngayon, malalim ninyong nauunawaan ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga brutal na inusig ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay nang nakapulupot. Inuusig ng malaking pulang dragon ang Diyos at ito ang kaaway ng Diyos, kaya nga, ang mga tao sa lupaing ito ay sumasailalim sa pamamahiya at pang-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, bilang resulta. Dahil isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, ang lahat ng gawain Niya ay nahaharap sa malalaking balakid, at marami sa Kanyang mga salita ang hindi maisasakatuparan kaagad; kaya, ang mga tao ay pinipino bilang resulta ng mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isagawa ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon, ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito, ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, nang sa gayon ay maipamalas Niya ang Kanyang karunungan at mga kamangha-manghang gawa, at ginagamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao sa maruming lupaing ito, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, nang sa gayon, mula rito, magkakamit Siya ng kaluwalhatian at niyaong mga nagpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ito ang buong kabuluhan ng lahat ng halagang ibinayad ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao. Ibig sabihin, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paglupig sa pamamagitan ng mga lumalaban sa Kanya, at sa gayon lamang maipapamalas ang dakilang kapangyarihan ng Diyos. Sa madaling salita, yaon lamang mga nasa maruming lupain ang karapat-dapat na magmana ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito lamang ang makapagpapatingkad sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit mula sa maruming lupain, at sa mga yaon na naninirahan sa maruming lupain, nakakamit ng Diyos ang kaluwalhatian—iyon ang layunin ng Diyos. Katulad lang ito ng yugto ng gawain ni Jesus: Maaari lamang Siyang magtamo ng kaluwalhatian sa gitna ng mga Pariseo na umusig sa Kanya; kung hindi sa pag-uusig ng mga Pariseo at sa pagkakanulo ni Hudas, hindi sana napagtawanan o nasiraang-puri si Jesus, lalong hindi sana Siya ipinako sa krus, at hindi sana Siya nagkamit ng kaluwalhatian. Kung saan gumagawa ang Diyos sa bawat kapanahunan, at kung saan Siya gumagawa ng Kanyang gawain sa katawang-tao, doon Siya nagkakamit ng kaluwalhatian at doon Niya nakakamit yaong mga nais Niyang makamit. Ito ang plano ng gawain ng Diyos, at ito ang Kanyang pamamahala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple Ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 189

Sa plano ng Diyos ng ilang libong taon, dalawang bahagi ng gawain ang ginagawa sa katawang-tao: Ang una ay ang gawain ng pagpapapako sa krus, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian; ang isa pa ay ang gawain ng panlulupig at pagpeperpekto sa mga huling araw, kung saan Siya ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Ito ang pamamahala ng Diyos. Kaya huwag ninyong ituring na simpleng bagay ang gawain ng Diyos, o ang atas ng Diyos sa inyo. Kayo ang lahat ng magmamana ng lubhang nakahihigit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian ng Diyos, at ito ay espesyal na inorden ng Diyos. Sa dalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, ang isa ay naipapamalas sa inyo; ang kabuuan ng isang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos ay ipinagkaloob na sa inyo, upang siyang maging inyong pamana. Ito ang pagtataas sa inyo ng Diyos, at ito rin ang plano na matagal na Niyang paunang itinakda. Dahil sa kadakilaan ng gawaing nagawa ng Diyos sa lupain kung saan nananahan ang malaking pulang dragon, kung nalipat ang gawaing ito sa ibang lugar, matagal na sana itong nagkaroon ng malaking bunga at madaling natanggap ng tao. Bukod pa rito, naging napakadali sanang tanggapin ang gawaing ito para sa mga pastor ng Kanluran na nananampalataya sa Diyos, sapagkat ang yugto ng gawain ni Jesus ay nagsisilbing naunang halimbawa. Ito ang dahilan kung bakit hindi nagagawang isakatuparan ng Diyos ang yugtong ito ng gawain ng pagkakamit ng kaluwalhatian sa ibang lugar; kapag sinusuportahan ng mga tao at kinikilala ng estado ang gawain, walang lugar kung saan maitatatag ang kaluwalhatian ng Diyos. Ito mismo ang pambihirang kabuluhang taglay ng yugtong ito ng gawain sa lupaing ito. Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaparusahan ng batas. Ang mas malaking suliranin pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakauunawa sa inyo. Kapag kayo ay “inabandona” ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa mundong ito, ngunit magkagayon man, hindi pa rin kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos. Ito ang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos. Ang namana ninyo sa araw na ito ay higit pa sa namana ng mga apostol at propeta sa lahat ng kapanahunan at higit pa sa namana nina Moises at Pedro. Ang mga pagpapala ay hindi matatamo sa loob ng isa o dalawang araw; kailangang magbayad ng malaking halaga para sa mga ito. Ibig sabihin, kailangan ninyong magtaglay ng pagmamahal na nagdaan na sa pagpipino, kailangan kayong magkaroon ng malaking pananalig, at kailangan kayong magkaroon ng maraming katotohanang hinihingi ng Diyos na inyong matamo; bukod pa rito, kailangang magawa ninyong bumaling sa katarungan, nang hindi nasisindak o umuurong, at kailangang magkaroon kayo ng mapagmahal-sa-Diyos na puso na hindi nagbabago hanggang kamatayan. Kailangang magkaroon kayo ng determinasyon, kailangang magbago ang inyong buhay disposisyon, kailangang malunasan ang inyong katiwalian, kailangang tanggapin ninyo ang lahat ng pamamatnugot ng Diyos nang walang reklamo, at kailangang magawa ninyong magpasakop maging hanggang kamatayan. Ito ang dapat ninyong makamit, ito ang panghuling layunin ng gawain ng Diyos, at ito ang hinihingi ng Diyos sa grupong ito ng mga tao. Dahil nagbibigay Siya sa inyo, tiyak na may hihingin Siya sa inyo bilang kapalit, at tiyak na maglalatag ng mga naaangkop na hinihingi para sa inyo. Samakatwid, may dahilan sa likod ng lahat ng gawain ng Diyos. Mula rito ay makikita kung bakit, paulit-ulit, gumagawa ang Diyos ng gawaing nagtatakda ng matataas na pamantayan at mahihigpit na hinihingi. Samakatwid, dapat kayong mapuspos ng pananalig sa Diyos. Sa madaling salita, lahat ng gawain ng Diyos ay ginagawa para sa inyong kapakanan, ginagawa ito nang sa gayon ay maging karapat-dapat kayong tumanggap ng Kanyang pamana. Sa halip na sabihing ito ay alang-alang sa sariling kaluwalhatian ng Diyos, mas mainam na sabihing ito ay alang-alang sa inyong kaligtasan at alang-alang sa pagpeperpekto sa grupong ito ng mga tao na lubhang pinahirapan sa maruming lupain. Dapat ninyong unawain ang layunin ng Diyos. Kaya nga, hinihikayat Ko ang maraming taong mangmang na walang anumang kabatiran o katwiran: Huwag ninyong subukin ang Diyos, at huwag na kayong lumaban. Sumailalim na ang Diyos sa lahat ng pagdurusang hindi kailanman tiniis ng tao, at matagal nang nagtiis maging ng mas maraming kahihiyan bilang kahalili ng tao. Ano, kung gayon, ang hindi ninyo kayang bitawan? Ano pa ang mas mahalaga kaysa sa layunin ng Diyos? Ano pa ang mas mataas kaysa sa pagmamahal ng Diyos? Mahirap na ngang isagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa maruming lupaing ito; kung, bukod pa rito, sadya at kusang gumagawa ng mga maling gawa ang tao, kailangang mapatagal pa ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, hindi ito para sa pinakamabuting kapakanan ng sinuman, walang pakinabang ito kaninuman. Ang Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon; ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian ang nauuna. Samakatwid, hangga’t ang isang bagay ay bahagi ng Kanyang gawain, magbabayad Siya ng anumang halaga para dito, gaano man ito katagal. Ito ang disposisyon ng Diyos: Hindi Siya magpapahinga hangga’t hindi natatapos ang Kanyang gawain. Magwawakas lamang ang Kanyang gawain kapag natamo na Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Kung sa buong sansinukob ay hindi matatapos ng Diyos ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain ng pagtatamo ng kaluwalhatian, hindi darating kailanman ang Kanyang araw, hindi lilisanin ng Kanyang kamay ang mga taong Kanyang hinirang, hindi sasapit ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel kailanman, at hindi matatapos ang Kanyang plano kailanman. Dapat ninyong makita ang layunin ng Diyos, at dapat ninyong makita na ang gawain ng Diyos ay hindi kasingsimple ng paglikha sa langit at lupa at lahat ng bagay. Iyan ay dahil ang gawain sa ngayon ay ang pagbabago ng mga yaong nagawang tiwali, na labis na manhid, iyon ay para dalisayin yaong mga nilikha ngunit naproseso ni Satanas. Hindi iyon ang paglikha kay Adan o kay Eba, lalong hindi iyon ang paglikha ng liwanag, o ang paglikha ng lahat ng halaman at hayop. Nililinis ng Diyos ang mga bagay na nagawang tiwali ni Satanas at pagkatapos ay muli silang nakakamit, at idinudulot na sila ay maging mga bagay na pag-aari Niya, at maging Kanyang kaluwalhatian. Hindi ito kasingsimple ng paglikha sa langit at lupa at lahat ng bagay, tulad ng inaakala ng tao, at hindi rin ito tulad ng gawain ng pagsumpa kay Satanas para itapon ito sa walang hanggang hukay, na gaya ng inaakala ng tao; sa halip, ito ang gawain ng pagbabago sa tao, ang mga bagay na negatibo at hindi nabibilang sa Kanya ay ginagawang mga bagay na positibo, at nabibilang sa Kanya. Ito ang tunay na kuwento sa likod ng yugtong ito ng gawain ng Diyos. Kailangan ninyo itong maunawaan, at iwasan ang sobrang pagpapasimple ng mga bagay-bagay. Ang gawain ng Diyos ay hindi katulad ng anumang karaniwang gawain. Ang pagiging kamangha-mangha at karunungan nito ay lagpas sa kayang arukin ng isip ng tao. Hindi nililikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa yugtong ito ng gawain, ngunit hindi rin Niya winawasak ang mga iyon. Sa halip, binabago Niya ang lahat ng bagay na Kanyang nilikha, at nililinis ang lahat ng bagay na nadungisan ni Satanas. Kaya nga sinisimulan ng Diyos ang isang napakalaking proyekto. Ito ang buong kabuluhan ng gawain ng Diyos. Nakikita mo ba sa mga salitang ito na talagang napakasimple ng gawain ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple Ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 190

Ang 6,000 taong gawain ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto: ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang Kapanahunan ng Kaharian. Ang tatlong yugtong ito ng gawain ay pawang para sa pagliligtas sa sangkatauhan, na ang ibig sabihin, ang mga iyon ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan na labis na natiwali ni Satanas. Gayumpaman, kasabay nito, nakikipaglaban din ang Diyos kay Satanas. Kaya, kung paanong ang gawain ng pagliligtas ay nahahati sa tatlong yugto, gayundin ang pakikipagdigma kay Satanas ay nahahati rin sa tatlong yugto, at ang dalawang aspektong ito ng gawain ng Diyos ay sabay na isinasakatuparan. Ang pakikipagdigma kay Satanas ay talagang para sa pagliligtas sa sangkatauhan, at dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi isang bagay na matagumpay na natatapos sa iisang yugto, ang pakikipaglaban kay Satanas ay nahahati rin sa mga yugto at panahon, at isinasagawa ang pakikipagdigma kay Satanas alinsunod sa mga pangangailangan ng tao at sa lawak ng pagtiwali ni Satanas sa kanya. Marahil, sa imahinasyon ng tao, siya ay naniniwala na sa digmaang ito ang Diyos ay gagamit ng mga sandata laban kay Satanas, kagaya ng paraan na ang dalawang hukbo ay maglalaban sa isa’t isa. Ito lamang ang kayang guni-gunihin ng talino ng tao; ito ay isang sukdulang malabo at di-makatotohanang ideya, ngunit ito ang pinaniniwalaan ng tao. At dahil sinasabi Ko rito na ang paraan ng pagliligtas sa tao ay sa pamamagitan ng pakikipagdigma kay Satanas, iniisip at pinaniniwalaan ng tao na ganito isinasagawa ang labanan. May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, ibig sabihin, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto at ganap nang magagapi si Satanas. Ngunit ang tunay na kuwento ng buong gawain ng pakikipaglaban kay Satanas ay na natatamo ang mga epekto nito sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog para sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Sa madaling salita, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi sa halip ay ang pagpapatotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng pagliligtas sa tao, paggawa sa buhay ng tao, at pagbabago sa disposisyon ng tao, at magkagayon ay tinatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang pakikipaglaban kay Satanas, at ang labanang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto ng gawain sa pakikipaglaban kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang ibalik ang pagsasakatawan ni Satanas—ang tao, na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, at sa pamamagitan nito ay maghihimagsik siya laban kay Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa pakikipaglaban kay Satanas, at ito ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos, na nilalayong talunin si Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensiya ni Satanas. Samakatwid, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago matapos ang pakikipagdigma kay Satanas, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan. Sa simula pa lang, ang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan sa lahat ng pamamahala ng Diyos, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang mabawi siya mula sa mga kamay ni Satanas, na ang ibig sabihin, ang tao na nabihag ni Satanas ay kailangang mabawi. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao at sa pagpapanumbalik ng orihinal na katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay mababawi mula sa mga kamay ni Satanas. Kung mapapalaya ang tao mula sa impluwensiya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuuang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makokompleto na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 191

Nagkatawang-tao ang Diyos sa Tsina, o sa tinatawag na “kalakhan” ng mga kababayan na nasa Hong Kong at Taiwan. Nang pumarito sa lupa ang Diyos mula langit sa itaas, walang sinuman sa langit o sa lupa ang nakaalam tungkol dito, sapagkat ito ang tunay na kahulugan ng pagbabalik ng Diyos nang patago. Mahabang panahon na Siyang gumagawa at namumuhay sa katawang-tao, ngunit walang sinuman ang nakakaalam nito. Hanggang sa araw na ito, walang sinuman ang nakakakilala rito. Marahil ito ay mananatiling isang walang hanggang palaisipan. Ang pagparito ng Diyos sa katawang-tao sa panahong ito ay isang bagay na hindi posibleng mabatid ng kahit sino. Gaano man kalaki at kaimpluwensiya ang gawain ng Espiritu, palaging nananatiling walang emosyon ang Diyos, hindi kailanman nagbubunyag ng anumang natatago. Maaaring may magsabi na ang yugtong ito ng Kanyang gawain ay katulad ng kung nagaganap ito sa langit. Kahit na ito ay malinaw na nakikita ng lahat, walang nakakakilala rito. Kapag tinapos na ng Diyos ang yugtong ito ng Kanyang gawain, magigising ang buong sangkatauhan mula sa kanilang mahabang panaginip, at magbabago ang kanilang karaniwang saloobin[1]. Natatandaan Ko na minsang sinabi ng Diyos, “Ang pagparito nang nasa katawang-tao sa panahong ito ay gaya ng pagbagsak sa yungib ng isang tigre.” Ang ibig sabihin nito ay, sa pagkakataong ito ng gawain ng Diyos, dahil pumaparito ang Diyos nang nasa katawang-tao at bukod pa riyan ay isinisilang sa tirahan ng malaking pulang dragon, higit kaysa rati, nahaharap Siya sa matinding panganib sa pagparito sa lupa sa panahong ito. Ang kinakaharap Niya ay mga kutsilyo at mga baril at mga pamalo at mga panghampas; ang kinakaharap Niya ay mga pagsubok; ang kinakaharap Niya ay maraming tao na kita sa mukha nila ang paglalayong pumatay. Humaharap Siya sa panganib na mapatay anumang sandali. Pumarito ang Diyos na may dinadalang poot. Gayumpaman, pumarito Siya upang gawin ang gawain ng pagpeperpekto, na nangangahulugan na pumarito Siya upang isagawa ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain, na nagpapatuloy pagkatapos ng gawain ng pagtubos. Para sa kapakanan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, inilaan ng Diyos ang sukdulang pag-iisip at pangangalaga at ginagawa Niya ang lahat ng pamamaraang mahihinagap upang maiwasan ang mga pag-atake ng mga pagsubok, nananatiling mapagpakumbaba at natatago at hindi kailanman ipinagyayabang ang Kanyang pagkakakilanlan. Nang iligtas ni Jesus ang tao mula sa krus, ginawa lamang Niya iyon upang makompleto ang gawain ng pagtubos; hindi Siya pumarito upang gawin ang gawain ng pagpeperpekto. Kaya kalahati lamang ng gawain ng Diyos ang ginagawa noon, at ang pagtapos sa gawain ng pagtubos ay kalahati lamang ng Kanyang buong plano. Sa pag-uumpisa ng bagong kapanahunan at pagtatapos ng luma, nagsimulang pag-isipan ng Diyos Ama ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain at paghandaan ito. Hindi malinaw na ipinropesiya noon ang pagkakatawang-taong ito sa mga huling araw, kaya naglatag ito ng isang pundasyon para higit pang mailihim ang pagparito ngayon ng Diyos sa katawang-tao. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, lingid sa kaalaman ng napakaraming tao, pumarito sa lupa ang Diyos at sinimulan Niya ang Kanyang buhay sa katawang-tao. Hindi alam ng mga tao ang pagdating ng sandaling ito. Siguro lahat sila ay mahimbing na natutulog; baka maraming nagbabantay nang gising ang naghihintay, at baka marami ang nagdarasal nang tahimik sa Diyos sa langit. Gayunman sa gitna ng lahat ng maraming taong ito, wala ni isang nakaalam na ang Diyos ay dumating na sa lupa. Gumawa ang Diyos nang ganito nang sa gayon ay mas maayos na maisakatuparan ang Kanyang gawain at makamit ang mas magagandang resulta, at upang maiwasan din ang mas marami pang pagsubok. Sa paggising ng tao mula sa mahimbing na pagkakatulog, ang gawain ng Diyos ay matagal nang natapos at Siya ay aalis na, wawakasan ang Kanyang buhay na binubuo ng paglilibot at pansamantalang pagtigil sa lupa. Dahil ang gawain ng Diyos ay nangangailangan na ang Diyos ay kumilos at magsalita nang personal, at dahil walang paraan ang tao upang makialam, tiniis ng Diyos ang matinding pagdurusa upang pumarito sa lupa at gawin Niya Mismo ang gawain. Hindi kayang humalili ng tao sa gawain ng Diyos. Ito ang dahilan kaya hinarap ng Diyos ang mga panganib na ilang libong beses na mas matindi kaysa sa mga panganib sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, ibinubuhos ang lahat ng Kanyang pag-iingat at pangangalaga, para matubos ang grupong ito ng naghihirap na mga tao, ang grupong ito ng mga taong nasadlak sa isang tambak na dumi. Kahit na walang nakakaalam sa pag-iral ng Diyos, hindi nababalisa ang Diyos dahil ito ay malaking kapakinabangan sa Kanyang gawain. Ang lahat ng tao ay sukdulang karumal-dumal at malupit; paano nila pagpaparayaan ang pag-iral ng Diyos? Iyon ang dahilan kung bakit, matapos pumarito, ay pinananatili ng Diyos ang Kanyang katahimikan. Gaano man katindi ang kalupitan ng tao, hindi dinidibdib ng Diyos ang alinman dito, kundi patuloy lamang Siya sa paggawa ng gawaing kailangan Niyang gawin upang matupad ang mas malaking atas na ipinagkatiwala sa Kanya ng Ama sa langit. Sino sa inyo ang nakakilala sa pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Sino ang mas nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos Ama kaysa sa Kanyang Anak? Sino ang may abilidad na maunawaan ang kalooban ng Diyos Ama? Madalas na nag-aalala ang Espiritu ng Diyos Ama sa langit, at ang Kanyang Anak sa lupa ay madalas na nagdarasal para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos Ama, nadudurog ang Kanyang puso sa pag-aalala. Mayroon bang kahit sino na nakakaalam sa pag-ibig ng Diyos Ama para sa Kanyang Anak? Mayroon bang kahit sino na nakakaalam sa puso ng pinakamamahal na Anak na nangungulila sa Diyos Ama? Magkahiwalay sa langit at lupa, ang dalawa ay palaging tinitingnan ang isa’t isa mula sa malayo, sinusundan ang isa’t isa sa Espiritu. O sangkatauhan! Kailan ninyo isasaalang-alang ang puso ng Diyos? Kailan ninyo mauunawaan ang mga layunin ng Diyos? Palaging umaasa ang Ama at Anak sa isa’t isa. Kung gayon, bakit Sila dapat maghiwalay, na ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa naman ay nasa lupa sa ibaba? Mahal ng Ama ang Kanyang Anak gaya ng pagmamahal ng Anak sa Kanyang Ama. Kung gayon, bakit dapat maghintay ang Ama nang may gayon katindi at kasakit na pananabik para sa Anak? Maaaring hindi Sila nagkahiwalay nang matagal, pero sino ang nakakaalam kung gaano karaming araw at gabi na masakit na nangungulila ang Ama, at kung gaano katagal na Siyang nananabik sa mabilis na pagbabalik ng Kanyang pinakamamahal na Anak? Nagmamasid Siya, tahimik Siyang nakaupo, at naghihintay Siya; wala ni isa sa mga bagay na ito ang hindi ginagawa alang-alang sa mabilis na pagbabalik ng Kanyang pinakamamahal na Anak. Ang Anak na naglibot hanggang sa mga dulo ng daigdig: Kailan kaya Sila magkakasamang muli? Kahit na sa muling pagkikita ay magpasawalang hanggan Silang magsasama, paano Niya matitiis ang libo-libong araw at gabi ng paghihiwalay, na ang isa ay nasa langit sa itaas at ang isa ay nasa lupa sa ibaba? Ang sampu-sampung taon sa lupa ay parang libo-libong taon sa langit. Paanong hindi mag-aalala ang Diyos Ama? Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, nararanasan Niya ang di-mabilang na pagbabago sa mundo ng mga tao kagaya ng nararanasan ng tao. Ang Diyos ay walang sala, kaya bakit Siya pagtitiisin ng pagdurusa na kapareho ng sa tao? Hindi nakapagtataka na labis na pinananabikan ng Diyos Ama ang pagbabalik ng Kanyang Anak; sino ang nakakaunawa sa puso ng Diyos? Binibigyan ng Diyos ang tao nang sobra-sobra; paano masusuklian nang sapat ng tao ang puso ng Diyos? Gayunman ay napakakaunti ng ibinibigay ng tao sa Diyos; dahil doon, paanong hindi mag-aalala ang Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (4)

Talababa:

1. Ang “magbabago ang kanilang karaniwang saloobin” ay tumutukoy sa kung paano nagbabago ang mga kuru-kuro at mga pananaw ng mga tao tungkol sa Diyos sa sandaling makilala nila ang Diyos.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 192

Bihira sa mga tao ang nakakaunawa sa pagmamadali na nasa kalagayan ng isip ng Diyos, dahil masyadong mahina ang kakayahan ng mga tao at ang kanilang espiritu ay napakamanhid, at lahat sila ay hindi sumusunod o pumapansin sa ginagawa ng Diyos. Dahil dito, palaging balisa ang Diyos sa tao, na para bang ang mala-hayop na kalikasan ng tao ay maaaring kumawala anumang sandali. Mula rito ay mas malinaw pang makikita ng isang tao na ang pagparito ng Diyos sa lupa ay sinusundan ng matinding pagsubok mula sa tao. Ngunit para sa kapakanan ng pagkompleto sa isang grupo ng mga tao, sinabi ng Diyos, nang puno ng kaluwalhatian, sa tao ang bawat layunin Niya, nang walang itinatago na kahit ano mula sa tao. Matatag Siyang nagpasya na kompletuhin ang grupong ito ng mga tao kaya nahaharap man Siya sa paghihirap o mga pagsubok, ibinabaling Niya ang Kanyang tingin at hindi pinapansin ang lahat ng ito. Tahimik lamang Niyang ginagawa ang Kanyang sariling gawain, matatag na naniniwala na balang araw kapag nakamit na ng Diyos ang kaluwalhatian, ay makikilala Siya ng tao, at naniniwalang kapag nakompleto na ng Diyos ang tao, lubos nitong mauunawaan ang puso ng Diyos. Sa ngayon, maaaring may mga tao na sinusubok ang Diyos, o na mali ang pagkaunawa sa Diyos, o na nagrereklamo laban sa Diyos; hindi dinidibdib ng Diyos ang anuman sa mga ito. Kapag bumaba na ang Diyos sa kaluwalhatian, mauunawaan ng lahat ng tao na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kaligayahan ng sangkatauhan, at mauunawaan nilang lahat na ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay upang makapamuhay nang mas maayos ang sangkatauhan. Ang pagparito ng Diyos ay sinusundan ng pagsubok mula sa tao, at may kasamang pagiging maharlika at poot. Sa panahong iiwan na ng Diyos ang tao ay matagal na Niyang nakamit ang kaluwalhatian, at aalis Siya na punong-puno ng kaluwalhatian at ng kagalakan ng pagbabalik. Paano man tanggihan ng mga tao ang Diyos na gumagawa sa lupa, hindi Niya ito dinidibdib, at patuloy lamang Niyang ginagawa ang Kanyang gawain. Ang paglikha ng Diyos sa mundo ay sampu-sampung milyong taon na ang nakararaan. Naparito Siya sa lupa upang gumawa ng di-masukat na laki ng gawain, at ganap Niyang naranasan ang pagtanggi at paninirang-puri ng mundo ng tao. Walang sinuman ang sumasalubong sa pagdating ng Diyos; tinitingnan lamang Siya nang malamig. Sa paglipas ng ilang libong taong ito ng paghihirap, matagal na panahon nang sinusugatan ng asal ng tao ang puso ng Diyos. Hindi na Niya pinapansin ang paghihimagsik ng tao, at sa halip ay gumawa na Siya ng isa pang plano upang baguhin at dalisayin ang tao. Ang pang-uuyam, paninirang-puri, pang-uusig, kapighatian, pagdurusa ng pagpapapako sa krus, pagtatakwil ng tao, at iba pa, na naranasan ng Diyos mula nang magkatawang-tao: sapat na ang natikman ng Diyos sa mga ito. Ganap nang nagdusa ang Diyos na nagkatawang-tao ng mga paghihirap ng mundo ng tao. Matagal nang hindi matiis ng Espiritu ng Diyos Ama ang gayong mga bagay at hinihintay Niya ang pagbabalik ng Kanyang pinakamamahal na Anak nang nakatingala at nakapikit ang mga mata. Ang tanging hinihiling Niya ay na ang sangkatauhan ay makinig at magpasakop, makaramdam ng sukdulang kahihiyan sa harap ng Kanyang katawang-tao, at hindi na maghimagsik laban sa Kanya. Ang tanging hinihiling Niya ay na makapaniwala ang mga tao sa pag-iral ng Diyos. Matagal na Siyang tumigil sa paghingi ng mas malaki sa tao, sapagkat nagbayad na ang Diyos ng napakalaking halaga, pero ang tao ay maginhawang nagpapahinga, [1] at hindi man lamang nito isinasapuso ang gawain ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (4)

Talababa:

1. Ang “maginhawang nagpapahinga” ay nangangahulugan na ang mga tao ay walang malasakit sa gawain ng Diyos at hindi ito itinuturing na mahalaga.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 193

Nang, sa Kapanahunan ng Biyaya, bumalik ang Diyos sa ikatlong langit, sa katunayan ay nakasulong na sa huling bahagi nito ang gawain ng pagtubos ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang tanging natira na lamang sa lupa ay ang krus na pinasan ni Jesus sa Kanyang likuran, ang pinong lino na ibinalot kay Jesus, at ang koronang tinik at matingkad na pulang balabal na isinuot ni Jesus (ito ang mga bagay na ginamit nang tuyain Siya ng mga Hudyo). Ibig sabihin, matapos magdulot ng matinding reaksyon ang gawain ng pagpapapako sa krus ni Jesus, muling huminahon ang mga bagay-bagay. Mula noon, nagsimulang ipagpatuloy ng mga disipulo ni Jesus ang gawain Niya, nagpapastol at nagdidilig sa mga iglesia sa lahat ng dako. Ang mga sumusunod ang nilalaman ng kanilang gawain: Hiniling nila sa lahat ng tao na magsisi, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo; at ipinalaganap ng lahat ng apostol ang tunay na kuwento at mga aktuwal na sirkumstansiya ng pagpapapako sa krus ni Jesus, at kaya hindi napigilan ng lahat na magpatirapa sa harap ni Jesus upang ikumpisal ang kanilang mga kasalanan; at bukod diyan, humayo ang mga apostol sa lahat ng dako nang ipinapangaral ang mga salitang binigkas ni Jesus. Nagsimula sa puntong iyon ang pagtatayo ng mga iglesia sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ginawa ni Jesus sa kapanahunang iyon ay ang magsalita rin tungkol sa buhay ng tao at mga layunin ng Ama sa langit, sadya lamang na dahil ibang kapanahunan ito, malaki ang pagkakaiba ng marami sa mga sinabi at mga pagsasagawang iyon kaysa sa ngayon. Gayumpaman, magkapareho sa diwa ang mga ito: Ang mga ito ay kapwa gawain ng Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, mismo at eksakto. Nagpatuloy hanggang sa ngayon ang ganitong uri ng gawain at pagbigkas, kaya ibinabahagi pa rin sa relihiyosong mundo ngayon ang ganitong uri ng bagay, at lubos na hindi nabago. Nang magwakas ang gawain ni Jesus, tumungo na sa tamang landas ni Jesucristo ang mga iglesia. Gayunman, pinasimulan ng Diyos ang Kanyang plano para sa isa pang yugto ng Kanyang gawain, ang usapin ng pagkakatawang-tao Niya sa mga huling araw. Sa paningin ng tao, ang pagpapapako sa krus ng Diyos ay tumapos na sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, tumubos sa buong sangkatauhan, at nagtulot sa Kanya na hawakan ang susi sa Hades. Iniisip ng lahat na ang gawain ng Diyos ay ganap nang naisakatuparan. Sa katunayan, mula sa pananaw ng Diyos, maliit lamang na bahagi ng Kanyang gawain ang naisakatuparan na. Tanging pagtubos sa sangkatauhan ang ginawa Niya; hindi pa Niya nalulupig ang sangkatauhan, lalo nang hindi pa Niya nababago ang satanikong kapangitan ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi ng Diyos, “Bagaman dumanas ng pagdurusa ng kamatayan ang Aking nagkatawang-taong laman, hindi iyon ang buong layon ng Aking pagkakatawang-tao. Si Jesus ang pinakamamahal Kong Anak at ipinako sa krus para sa Akin, ngunit hindi Niya ganap na tinapos ang Aking gawain. Ginawa Niya lamang ang isang bahagi nito.” Kaya pinasimulan ng Diyos ang ikalawang yugto ng mga plano upang ipagpatuloy ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang gawing perpekto at makamit ang lahat ng taong naligtas mula sa mga kamay ni Satanas ang pinakasukdulang layunin ng Diyos, kung kaya naghanda ang Diyos na minsan pang suungin ang panganib ng pagkakatawang-tao. Ang ibig sabihin ng “pagkakatawang-tao” ay pagparito nang walang kaluwalhatian (dahil hindi pa tapos ang gawain ng Diyos), sa halip ay nagpapakita sa pagkakakilanlan ng pinakamamahal na Anak, bilang Cristo, na labis na kinalulugdan ng Diyos. Kaya nga ito ay sinasabing “pagsuong sa panganib.” Ang nagkatawang-taong laman ay may katiting na kapangyarihan at dapat lubusang mag-ingat, [1] at malayong-malayo sa awtoridad ng Ama sa langit ang Kanyang kapangyarihan; tinutupad lamang Niya ang ministeryo ng katawang-tao, isinasakatuparan ang gawain ng Diyos Ama at ang Kanyang atas nang hindi nasasangkot sa ibang gawain, at isinasakatuparan lamang Niya ang isang bahagi ng gawain. Kaya nga kaagad na pinangalanang “Cristo” ang Diyos nang pumarito Siya sa mundo—iyon ang nakapaloob na kahulugan sa pangalang iyon. Kaya sinasabi na may kasamang mga pagsubok ang pagparito ay dahil isang piraso lamang ng gawain ang isinasakatuparan. Bukod diyan, tinatawag lamang Siya ng Diyos Ama na “Cristo” at “pinakamamahal na Anak,” subalit hindi naipagkaloob sa Kanya ang lahat ng kaluwalhatian, dahil mismo sa ang nagkatawang-taong laman ay pumaparito upang gawin ang isang piraso ng gawain, hindi upang kumatawan sa Ama sa langit, bagkus ay upang tuparin ang ministeryo ng pinakamamahal na Anak. Kapag nakompleto ng pinakamamahal na Anak ang buong atas na tinanggap Niya sa Kanyang mga balikat, pagkakalooban na Siya ng Ama ng buong kaluwalhatian kasama ang pagkakakilanlan ng Ama. Masasabing ito ang “kodigo ng langit.” Dahil ang Isa na nagkatawang-tao at ang Ama sa langit ay nasa dalawang magkaibang dako, minamasdan lamang ng dalawa ang isa’t isa sa Espiritu, sinusubaybayan ng Ama ang pinakamamahal na Anak ngunit hindi nagagawang makita ng Anak ang Ama mula sa malayo. Sapagkat ang mga paggana na kayang gawin ng laman ay masyadong maliit at maaari Siyang mapatay anumang sandali, kaya ang pagparitong ito ay may kasamang malaking panganib. Katumbas ito ng muling pagpapaubaya ng Diyos sa Kanyang pinakamamahal na Anak sa bunganga ng tigre, kung saan ang Kanyang buhay ay nasa panganib, inilalagay Siya kung saan pinakanatitipon si Satanas. Kahit sa gayong kahila-hilakbot na mga sitwasyon, ibinigay pa rin ng Diyos ang Kanyang pinakamamahal na Anak sa mga tao ng isang lugar na puno ng karumihan at kahalayan para kanilang “palakihin Siya hanggang sa hustong gulang.” Dahil iyon ang tanging paraan upang ang gawain ng Diyos ay magmukhang angkop at natural, at ito ang tanging paraan upang tuparin ang lahat ng inaasam ng Diyos Ama at isakatuparan ang huling bahagi ng Kanyang gawain sa sangkatauhan. Isinakatuparan lamang ni Jesus ang isang yugto ng gawain ng Diyos Ama. Dahil sa hadlang na ipinataw ng nagkatawang-taong laman at mga pagkakaiba sa gawaing dapat isakatuparan, hindi alam ni Jesus Mismo na magkakaroon ng ikalawang pagbabalik sa katawang-tao. Samakatwid, walang tagapagpaliwanag ng Bibliya o propeta ang naglakas-loob na ipropesiya nang malinaw na muling magkakatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, ibig sabihin, muli Siyang magkakatawang-tao upang gawin ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Samakatwid, walang sinumang nakapansin na matagal nang itinago ng Diyos ang Kanyang sarili sa katawang-tao. Hindi kataka-taka, dahil tinanggap lamang ni Jesus ang atas na ito pagkatapos na bumangon mula sa mga patay at umakyat sa langit, kaya walang malinaw na propesiya tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at hindi ito kayang maarok ng isip ng tao. Sa lahat ng maraming aklat ng propesiya sa Bibliya, walang salita na malinaw itong binabanggit. Subalit nang naparito si Jesus upang gumawa, mayroon nang malinaw na propesiya na nagsasabing magdadalang-tao ang isang birhen, at magluluwal ng isang anak na lalaki, na nangangahulugang ipinaglihi Siya ng Banal na Espiritu. Gayumpaman, sinabi pa rin ng Diyos na nangyari ito nang may panganib ng kamatayan, kaya’t gaano pa kaya ito mas mapanganib ngayon? Hindi kataka-takang sinasabi ng Diyos na ang pagkakatawang-taong ito ay mas libo-libong beses na nasa panganib kaysa noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa maraming lugar, ipinropesiya na ng Diyos na magkakamit Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay sa lupain ng Sinim—sa Silangan ng mundo makakamit ang mga mananagumpay. Kaya, walang duda na sa lupain ng Sinim tumatapak ang Diyos sa Kanyang ikalawang pagkakatawang-tao, sa mismong lugar kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon. Doon, makakamit ng Diyos ang mga supling ng malaking pulang dragon upang ito ay lubusang matalo at mapahiya. Gigisingin ng Diyos ang mga taong ito, na labis na pinabibigatan ng pagdurusa, upang pabangunin sila hanggang sila ay maging lubos na gising, at upang palakarin silang palabas ng hamog at tanggihan ang malaking pulang dragon. Gigising sila mula sa kanilang panaginip, makikilala ang diwa ng malaking pulang dragon, magagawang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos, aahon mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, tatayo sa Silangan ng mundo, at magiging patunay ng tagumpay ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian. Ito ang tanging dahilan kaya dinala ng Diyos ang gawaing natapos sa Israel sa lupain kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon at, halos dalawang libong taon pagkatapos lumisan, ang Diyos ay muling nagkatawang-tao upang ipagpatuloy ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Sa pisikal na paningin ng tao, naglulunsad ang Diyos ng bagong gawain sa katawang-tao. Ngunit sa pananaw ng Diyos, ipinagpapatuloy Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, na may pagitan lamang na ilang libong taon, at may pagbabago lamang sa lokasyon at sa programa ng Kanyang gawain. Kahit na ang imahe na inako ng katawan ng laman sa gawain ngayon ay waring ganap na naiiba kaysa kay Jesus, nagbubuhat Sila sa parehong diwa at ugat, at mula Sila sa parehong pinagmulan. Marahil ay magkaiba sa maraming paraan ang Kanilang mga panlabas na anyo, ngunit ang tunay na kuwento ng Kanilang gawain ay ganap na magkapareho. Ang mga kapanahunan, pagkatapos ng lahat, ay magkaibang gaya ng gabi at araw. Kaya’t paano susundin ng gawain ng Diyos ang isang di-nagbabagong padron? O paano makasasagabal sa isa’t isa ang magkakaibang yugto ng Kanyang gawain?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (6)

Talababa:

1. Ang “ay may katiting na kapangyarihan at dapat lubusang mag-ingat” ay nagpapahiwatig na napakarami ng mga paghihirap ng katawang-tao, at masyadong limitado ang gawaing nagawa.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 194

Ngayon lamang natanto ng tao na hindi lamang ang panustos ng espirituwal na buhay at karanasan sa pagkilala sa Diyos ang kulang sa tao, kundi—ang mas mahalaga pa—ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Dahil sa lubos na kamangmangan ng tao tungkol sa kasaysayan at sinaunang kultura ng kanyang sariling lahi, wala man lamang sila ni katiting na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Umaasa ang lahat ng tao na maaaring iugnay ang tao sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso, ngunit dahil masyadong tiwali ang laman ng tao, kapwa manhid at mapurol ang utak, naging dahilan ito upang mawalan siya ng kahit anong kaalaman tungkol sa Diyos. Sa pagparito sa tao ngayon, ang layunin ng Diyos ay walang iba kundi baguhin ang mga iniisip at espiritu ng mga tao, pati na ang larawan ng Diyos sa kanilang puso na milyun-milyong taon na nilang taglay sa kanilang puso. Gagamitin Niya ang pagkakataong ito upang gawing perpekto ang tao. Ibig sabihin, sa pamamagitan ng kaalaman ng tao, babaguhin Niya ang paraan ng pagkilala ng mga tao sa Kanya at ang kanilang saloobin sa Kanya, na magbibigay ng kakayahan sa tao na gumawa ng isang matagumpay na bagong simula sa pagkilala sa Diyos, at magkamit ng paninibago at pagbabago ng espiritu ng tao. Ang pagpupungos at pagdidisiplina ang mga paraan, samantalang ang paglupig at pagpapanibago ang mga layunin. Ang pagwawaksi sa mapamahiing mga kaisipang taglay ng tao tungkol sa malabong Diyos ang layon ng Diyos noon pa man, at nitong huli ay naging isa ring agarang bagay para sa Kanya. Sana’y pag-isipan pang mabuti ng lahat ng tao ang mangyayari sa sitwasyong ito sa hinaharap. Baguhin ang paraan ng pagdanas ng bawat tao upang maisakatuparan ang agarang layuning ito ng Diyos sa lalong madaling panahon at ganap na matapos ang huling yugto ng gawain ng Diyos sa lupa. Ibigay sa Diyos ang debosyong nararapat ninyong ibigay sa Kanya, at sa huling pagkakataon ay maghatid ng ginhawa sa puso ng Diyos. Sa mga kapatid, sana’y walang umiwas sa responsibilidad na ito, o tapusin na lamang ito nang pakunwari. Pumaparito ang Diyos sa katawang-tao sa pagkakataong ito bilang sagot sa isang paanyaya, at tuwirang pagtugon sa kalagayan ng tao. Ibig sabihin, pumaparito Siya upang tustusan ang tao ng mga pangangailangan nito. Anuman ang kakayahan ng tao o naging pagpapalaki rito, bibigyang-kakayahan Niya ang lahat, sa kabuuan, na makita ang salita ng Diyos at, mula sa Kanyang salita, ay makita nila ang pag-iral at pagpapakita ng Diyos at tanggapin nila ang pagpeperpekto Niya sa kanila, na binabago ang mga kaisipan at kuru-kuro ng tao upang matatag na mag-ugat ang orihinal na mukha ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng tao. Ito lamang ang nais ng Diyos sa lupa. Gaano man kalakas ang likas na pagkatao ng tao, o gaano man kasalat ang diwa ng tao, o kung ano talaga ang pag-uugali ng tao noong araw, hindi pinapansin ng Diyos ang mga ito. Inaasahan lamang Niya na ganap na panibaguhin ng tao ang larawan ng Diyos na nasa kaibuturan ng kanyang puso at malaman ang diwa ng sangkatauhan, sa gayon ay mabago ang ideolohikal na pananaw ng tao, at para manabik ang tao sa Diyos sa kanyang kaibuturan at magising sa walang-hanggang pagkagiliw sa Kanya: Ito ang kaisa-isang hinihingi ng Diyos sa tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (7)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 195

Nasabi Ko na nang maraming beses na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ginagawa upang baguhin ang puso ng bawat tao, upang baguhin ang kaluluwa ng bawat tao, nang sa gayon ang kanilang puso, na nagdusa na ng matinding pinsala, ay maantig at mabago, sa gayon ay masagip ang kanilang kaluluwa, na matindi nang napinsala ng kasalanan: ito ay upang gisingin ang espiritu nila, upang tunawin ang kanilang malamig na puso, at tulutan itong mapasiglang muli. Ito ang pinakadakilang layunin ng Diyos. Ang pagsasantabi, sa ngayon, gaano man maaaring kaunlad o kalalim ang buhay at mga karanasan ng tao, kapag nagising na ang puso ng mga tao, kapag nagising na sila mula sa kanilang mga panaginip at nalaman nang husto ang pinsalang idinulot ng malaking pulang dragon, natapos na ang gawain ng ministeryo ng Diyos. Ang araw na tapos na ang gawain ng Diyos ay ang araw rin kung kailan opisyal nang nagsisimula ang tao sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Sa panahong ito, matatapos na ang ministeryo ng Diyos, ibig sabihin, ganap nang matatapos ang gawain ng Diyos. Pagkatapos, opisyal nang sisimulan ng tao na gampanan ang tungkulin na nararapat niyang gampanan—gagampanan niya ang kanyang ministeryo. Ang mga ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Kaya, dapat kayong mangapa para sa inyong landas sa pagpasok mula sa pundasyon ng pagkaalam ng mga bagay na ito. Ang lahat ng ito ang dapat ninyong maunawaan. Tanging kapag sumailalim sa pagbabago ang tao sa kaibuturan ng kanyang puso siya makakapasok nang mas epektibo, sapagkat ang gawain ng Diyos ang ganap na kaligtasan ng tao—ang tao na natubos, na namumuhay pa rin sa ilalim ng mga puwersa ng kadiliman, at hindi pa kailanman nagising—mula sa lugar na ito na pinagtitipunan ng mga demonyo; ito ay upang ang tao ay maaaring mapalaya mula sa libu-libong taon ng kasalanan, at maging mga iniibig ng Diyos, at upang maihahagis pababa ang malaking pulang dragon hanggang sa mamatay ito, maitatatag ang kaharian ng Diyos, at maihahatid ang pahinga sag puso ng Diyos nang mas maaga; ito ay upang mailabas, nang walang pasubali, ang pagkamuhi na lumalaki sa inyong dibdib, upang puksain iyong inaamag na mga mikrobyo, upang tulutan kayo na makawala sa buhay na ito na hindi naiiba sa buhay ng isang baka o kabayo, upang hindi na maging isang alipin, upang hindi na maging malayang natatapak-tapakan o inuutus-utusan ng malaking pulang dragon; hindi na kayo magiging bahagi ng nabigong bansang ito, hindi na magiging pagmamay-ari ng malaking pulang dragon, na may mga kasalanang umaabot hanggang sa langit, at hindi na kayo maaalipin nito. Ang pugad ng mga demonyo ay tiyak na luluray-lurayin ng Diyos, at kayo ay tatayo sa tabi ng Diyos—kayo ay pagmamay-ari ng Diyos, at hindi nabibilang sa imperyong ito ng mga alipin. Matagal nang kinamuhian ng Diyos ang madilim na lipunang ito hanggang sa Kanya mismong mga buto. Nagngangalit ang Kanyang mga ngipin, sabik na itapak ang Kanyang mga paa sa kasuklam-suklam na makasalanang matandang ahas na ito, nang sa gayon hindi na ito muling makakabangon magpakailanman, at hindi na kailanman muling mamiminsala sa tao; hindi Niya patatawarin ang mga kilos nito sa nakaraan, hindi Niya titiisin ang panlilinlang nito sa tao, at pagbabayarin Niya ito para sa bawat kasalanan nito sa mga nagdaang kapanahunan. Hindi hahayaan ng Diyos ni katiting na mawalan ng pananagutan ang pasimunong ito ng lahat ng kasamaan; [1] lubos Niya itong lilipulin!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)

Talababa:

1. Ang “pasimunong ito ng lahat ng kasamaan” ay tumutukoy sa matandang diyablo. Ang pariralang ito ay nagpapahayag ng sukdulang pagkamuhi.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 196

Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain para sa sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nananahan para mamuhay kasama ang tao sa pagitan ng mga kaduluhan ng mundo, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinaway ang tao dahil sa paghihimagsik nito, kundi tinitiis ang sukdulang kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano kayang gugugulin Niya ang Kanyang buhay sa impiyerno? Ngunit para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan sa pagparito sa lupa, at personal na pumasok sa “impiyerno” at “Hades,” sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa Diyos? Dumating sa pinakamaruming lupain ng kahalayan na ito ang Diyos ng langit, at hindi kailanman ibinulalas ang Kanyang mga hinaing, o nagreklamo tungkol sa tao, bagkus ay tahimik na tinatanggap ang mga pamiminsala[1] at pang-aapi ng tao. Hindi Siya kailanman gumanti sa di-makatwirang mga hinihingi ng tao, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa tao, at hindi Siya kailanman gumawa ng di-makatwirang mga paghingi sa tao; ginagawa lang Niya ang lahat ng gawain na kinakailangan ng tao, tinitiis ang lahat ng paghihirap at hindi nagrereklamo: pagtuturo, pagliliwanag, pagsaway, pagpipino sa pamamagitan ng mga salita, pagpapaalala, panghihikayat, pang-aaliw, paghatol at paglalantad. Alin sa Kanyang mga hakbang ang hindi naging para sa buhay ng tao? Kahit naalis na Niya ang mga inaasam-asam at kapalaran ng tao, alin sa mga hakbang na isinakatuparan ng Diyos ang hindi para sa kapalaran ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para palayain ang tao mula sa paghihirap na ito at mula sa pang-aapi ng mga pwersa ng kadiliman na kasing-itim ng gabi? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng tao? Sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos, na tulad ng sa isang mapagmahal na ina? Sino ang maaaring makaunawa sa sabik na puso ng Diyos? Ang maalab na puso ng Diyos at sabik na mga pag-asam ay sinuklian ng malayelong mga puso, ng mga matang malamig at walang pakialam, at ng paulit-ulit na mga pagsaway at mga pang-iinsulto ng tao; sinuklian ang mga iyon ng masasakit na mga salita, sarkasmo, at pangmamaliit; sinuklian ang mga iyon ng panlilibak ng tao, ng kanyang pangyuyurak at pagtanggi, ng kanyang maling pagkaunawa, mga pagreklamo, paghiwalay, pag-iwas, at ng walang anuman kundi panlilinlang, pag-atake, at kapaitan. Ang magigiliw na salita ay sinalubong ng mababangis na mukha at ng malamig na pagsuway ng isang libong sumasaway na mga daliri. Walang magagawa ang Diyos kundi tiisin ang pasakit ng paglilingkod sa tao na parang maamong baka, nakayuko.[2] Napakaraming araw at buwan, napakaraming beses Niyang nakaharap ang mga bituin, napakaraming beses Siyang umalis nang madaling-araw at bumalik nang dapit-hapon, at nagpabaling-baling, tinitiis ang matinding paghihirap na mas matindi ng isang libong beses kaysa sa sakit ng Kanyang pag-alis mula sa Kanyang Ama, tinitiis ang mga pag-atake at pananakit ng tao, at ang pagpupungos ng tao. Sinuklian ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos ng pagkiling[3] ng tao, ng di-makatarungang mga pananaw at pakikitungo ng tao, at ang tahimik na paraan ng paggawa ng Diyos nang walang pagkilala, ang Kanyang pagtitiyaga, at Kanyang pagpaparaya ay sinuklian ng sakim na titig ng tao; sinusubukan ng tao na tadyakan ang Diyos hanggang mamatay, nang walang humpay, at sinusubukang yurakan sa lupa ang Diyos. Ang saloobin ng tao sa kanyang pakikitungo sa Diyos ay isa ng “bihirang katalinuhan,” at ang Diyos, na inaapi at hinahamak ng tao, ay durog na sa mga paa ng masa, habang itinataas ng tao ang kanyang sarili, na para bang siya ay magiging “hari ng burol, ” na para bang nais niyang kunin ang lubos na kapangyarihan,[4] na humarap sa mga tao mula sa likod ng isang tabing, na gawin ang Diyos na matapat at masunurin sa panuntunan na direktor sa likod ng mga eksena, na hindi pinahihintulutan ng anumang paglaban o pagtutol. Idinudulot ng tao na gampanan ng Diyos ang bahagi ng Huling Emperador, ginaganapan ang papel ng papet,[5] wala ng lahat ng kalayaan. Hindi maikukuwento ang mga gawa ng tao, kaya paano siya naging karapat-dapat na humingi ng ganito o ganoon sa Diyos? Paano siya naging kalipikadong magbigay ng mga “mungkahi” sa Diyos? Paano siya naging kalipikado na humingi sa Diyos na dumamay sa kanyang mga kahinaan? Paano siya naging angkop na tumanggap ng awa ng Diyos? Paano siya naging angkop na tumanggap ng kadakilaan ng Diyos nang paulit-ulit? Paano siya naging angkop na tumanggap ng kapatawaran ng Diyos nang paulit-ulit? Nasaan ang kanyang budhi? Matagal na niyang dinurog ang puso ng Diyos, matagal na niyang iniwan ang puso ng Diyos na durug-durog. Dumating ang Diyos sa gitna ng tao nang may mukhang puno ng kasiglahan at pusong pundo ng kagalakan, umaasa na ang tao ay magiging mabait sa Kanya, kahit na may kaunti lamang na pagkagiliw. Ngunit ang puso ng Diyos ay hindi gaanong maaliw ng tao, ang tanging natanggap Niya ay palaki nang palaking[6] mga pag-atake at pagpapahirap. Masyadong sakim ang puso ng tao, masyadong malaki ang kanyang pagnanasa, hindi siya kailanman masisiyahan, lagi siyang maloko at walang patumangga, hindi niya kailanman binibigyan ng anumang kalayaan o karapatang magsalita ang Diyos, at iniiwan ang Diyos na walang pagpipilian liban sa tiisin ang kahihiyan, at hayaan ang tao na manipulahin Siya kung paano man niya gusto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (9)

Mga Talababa:

1. Ang “mga pamiminsala” ay ginagamit upang ilantad ang paghihimagsik ng sangkatauhan.

2. Ang “sinalubong ng mababangis na mukha at ng malamig na pagsuway ng isang libong sumasaway na mga daliri, nakayuko ang ulo, pinagsisilbihan ang mga tao na parang maamong baka” ay orihinal na iisang pangungusap, pero dito ay hinati sa dalawa upang mapalinaw ang mga bagay-bagay. Ang unang bahagi ng pangungusap ay tumutukoy sa mga pagkilos ng tao, samantalang ang ikalawa ay ipinahihiwatig ang pagdurusang dinanas ng Diyos, at na ang Diyos ay mapagpakumbaba at natatago.

3. Ang “pagkiling” ay tumutukoy sa mapaghimagsik na pag-uugali ng mga tao.

4. Ang “kunin ang lubos na kapangyarihan” ay tumutukoy sa mapaghimagsik na pag-uugali ng mga tao. Itinataas nila ang kanilang sarili, tinatanikalaan ang iba, pinasusunod sa kanila at pinagdurusa para sa kanila. Sila ang mga puwersang kumakalaban sa Diyos.

5. Ang “sunud-sunuran” ay ginagamit para tuyain iyong mga hindi nakakakilala sa Diyos.

6. Ang “palaki nang palaking” ay ginagamit para bigyang-diin ang hamak na pag-uugali ng mga tao.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 197

Nagulantang ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang lahat ng relihiyon at mga sektor, “nagulo” nito ang orihinal na kaayusan ng iba’t ibang relihiyosong komunidad, at niyanig nito ang puso ng lahat niyong nananabik para sa pagpapakita ng Diyos. Sino ang hindi puno ng paghanga? Sino ang hindi nananabik na makita ang Diyos? Maraming taon nang personal na nasa gitna ng mga tao ang Diyos, ngunit hindi ito kailanman napagtanto ng tao. Ngayon, nagpakita na ang Diyos Mismo, at ibinunyag sa masa ang Kanyang pagkakakilanlan—paanong hindi ito magdadala ng kaluguran sa puso ng tao? Minsan ay nakibahagi ang Diyos sa mga kagalakan at kalungkutan, mga paghihiwalay at muling pagkikita, ng tao, at ngayon ay muli Niyang nakasama ang sangkatauhan, at magkakasama nilang binabalikan ang mga kuwento ng nakaraan na pinagsamahan nila. Pagkatapos umalis ng Diyos sa Judea, wala nang natanggap na anumang balita sa Kanya ang mga tao. Inasam nilang lahat na makatagpong muli ang Diyos, at ngayon ay hindi inaasahan na muli nila Siyang nakatagpo at nakasama. Paanong hindi nito mapupukaw ang mga alaala ng kahapon sa loob nila? Dalawang libong taon na ang nakakaraan, nakita ni Simon Bar-Jonas, ang inapo ng mga Hudyo, si Jesus na Tagapagligtas, nakisalo siya sa mesa ni Jesus, at pagkatapos sumunod sa Kanya sa loob ng maraming taon ay nakadama siya ng mas malalim na pakikipagkaibigan kay Jesus: Minahal niya si Jesus mula sa kaibuturan ng kanyang puso; malalim ang naging pagmamahal niya sa Panginoong Jesus. Walang alam ang mga taong Hudyo kung paanong ang may ginintuang buhok na sanggol na ito, na ipinanganak sa isang maginaw na sabsaban, ang unang wangis ng katawang-tao ng Diyos. Inisip nilang lahat na Siya ay katulad lamang nila, walang sinumang nag-isip na Siya ay iba—paano makikilala ng mga tao ang karaniwan at ordinaryong Jesus na ito? Inisip ng mga taong Hudyo na Siya ay isang Hudyong anak ng mga kapanahunan. Walang sinuman ang tumingin sa Kanya bilang isang kaibig-ibig na Diyos, at walang ginawa ang mga tao kundi patuloy na maghanap ng mga bagay-bagay mula sa Kanya, humihiling na bigyan Niya sila ng mayaman at saganang mga biyaya, at kapayapaan, at kagalakan. Ang alam lamang nila ay, tulad ng isang milyonaryo, mayroon Siya ng lahat ng bagay na kailanman ay maaaring naisin ng isa. Ngunit hindi Siya kailanman itinuring ng mga tao bilang isang tao na minamahal nila; hindi Siya minahal ng mga tao ng panahong iyon, at tumutol lamang sa Kanya, at gumawa ng mga di-makatwirang paghingi sa Kanya. Hindi Siya kailanman lumaban, kundi ay patuloy na nagbigay ng mga biyaya sa tao, kahit na hindi Siya kilala ng tao. Wala Siyang ginawa kundi tahimik na magpadama sa tao ng init, mapagmahal na kabaitan, at awa, at higit pa, binigyan Niya ang tao ng bagong paraan ng pagsasagawa, inaakay ang tao palabas sa mga gapos ng batas. Hindi Siya minahal ng tao, nainggit lamang ito sa Kanya at kinilala ang Kanyang pambihirang mga talento. Paano malalaman ng bulag na sangkatauhan kung gaano katindi ang kahihiyan ang pinagdusahan ng kaibig-ibig na si Jesus na Tagapagligtas ay noong dumating Siya sa gitna ng sangkatauhan? Walang sinuman ang nagsaalang-alang ng Kanyang pagkabalisa, walang nakaalam ng pagmamahal Niya sa Diyos Ama, at walang sinuman ang maaaring makaalam ng Kanyang kalungkutan; kahit na si Maria ang Kanyang nagluwal na ina, paano niya mauunawaan ang tinig sa puso ng mahabaging Panginoong Jesus? Sino ang nakaalam tungkol sa di-mabigkas na paghihirap na tiniis ng Anak ng tao? Pagkatapos maghanap ng mga bagay-bagay mula sa Kanya, kinalimutan na Siya ng mga tao ng panahong iyon, at pinalayas Siya. Kaya nagpagala-gala Siya sa mga kalye, araw-araw, taon-taon, nagpapaanod sa loob ng maraming taon hanggang sa Siya ay gumugol ng tatlumpu’t tatlong taon ng pagdurusa, mga taon na naging kapwa mahaba at maikli. Kapag kailangan Siya ng mga tao, Siya ay iniimbitahan nila sa kanilang mga tahanan nang nakangiti, sinusubukang maghanap ng mga bagay-bagay mula sa Kanya—at pagkatapos Niyang nakapagbigay na sa kanila, kaagad nila Siyang itinutulak palabas ng pinto. Kinain ng tao kung ano ang ipinagkaloob mula sa Kanyang bibig, ininom nila ang Kanyang dugo, nagpakasaya sila sa mga biyaya na ipinagkaloob Niya sa kanila, pero kinontra nila Siya, dahil hindi nila kailanman nalaman kung sino ang nagkaloob sa kanila ng kanilang mga buhay. Sa huli, ipinako nila Siya sa krus, gayunma’y wala pa rin Siyang imik. Kahit ngayon, nananatili Siyang tahimik. Kinakain ng mga tao ang Kanyang laman, iniinom ang Kanyang dugo, kinakain nila ang pagkain na inihahanda Niya para sa kanila, at nilalakaran nila ang daang binuksan Niya para sa kanila, subalit balak pa rin nilang tanggihan Siya; sa katunayan itinuturing nila ang Diyos na nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay bilang kaaway, at sa halip ay itinuturing iyong mga aliping kauri nila bilang ang “Ama sa langit.” Sa ganito, hindi ba nila sinasadyang salungatin Siya? Paano dumating si Jesus para mamatay sa krus? Alam ba ninyo? Hindi ba Siya ipinagkanulo ni Judas, na siyang pinakamalapit sa Kanya at kumain sa Kanya, uminom sa Kanya, at kinawilihan Siya? Hindi ba ipinagkanulo ni Judas si Jesus dahil isa lamang Siyang hamak at normal na guro? Kung talagang nakita ng mga tao na si Jesus ay hindi pangkaraniwan, at Isa na mula sa langit, paano nila Siya naipako nang buhay sa krus sa loob ng dalawampu’t apat na oras, hanggang sa wala na Siyang hiningang naiwan sa Kanyang katawan? Sino ang makakakilala sa Diyos? Walang anumang ginagawa ang mga tao kundi magpakasaya sa Diyos taglay ang walang-kabusugang kasakiman, ngunit Siya ay hindi nila kailanman nakilala. Naging labis silang abusado at ginagawa nilang ganap na masunurin si “Jesus” sa kanilang mga atas, sa kanilang mga utos. Sino ang kailanman ay nagpakita ng anumang may kaugnayan sa landas ng awa tungo sa Anak ng tao na ito, na wala man lamang mahigaan ng Kanyang ulo? Sino ang kailanman ay naisip na makipagsanib-pwersa sa Kanya upang tuparin ang tagubilin ng Diyos Ama? Sino ang kailanman ay nag-isip sa Kanya? Sino ang kailanman ay naging maalalahanin sa Kanyang mga paghihirap? Nang wala kahit bahagyang pag-ibig, hinihila Siya ng tao paroo’t parito; hindi alam ng tao kung saan nanggaling ang kanyang liwanag at buhay, at walang anumang ginagawa kundi planuhin nang palihim kung paano minsan pang ipapako si “Jesus” ng dalawang libong taong nakalipas, na nakaranas ng pagdurusa sa gitna ng tao. Talaga bang pumupukaw si “Jesus” ng gayong pagkapoot? Lahat ba ng ginawa Niya ay matagal nang nakalimutan? Ang poot na nabuo sa loob ng libu-libong taon ay sasabog na sa wakas. Kayong kauri ng mga Hudyo! Kailan ba naging mapanlaban sa inyo si “Jesus”? Ganito ba talaga katindi ninyo Siya kinamumuhian? Napakarami na ng Kanyang nagawa, at napakarami na Siyang nasalita—wala ba sa mga ito ang may benepisyo sa inyo? Naibigay na Niya ang Kanyang buhay sa inyo nang hindi humihingi ng anumang kapalit, naibigay na Niya ang Kanyang kabuuan sa inyo—talaga bang nais pa rin ninyong kainin Siya nang buhay? Inilaan Niya ang Kanyang lahat sa inyo nang walang itinitirang anuman, nang hindi kailanman tinatamasa ang makamundong kaluwalhatian, ang pagkagiliw sa gitna ng tao, ang pag-ibig sa gitna ng tao, o ang lahat ng kaligayahan at kagalakan sa gitna ng tao. Masyadong mahigpit ang mga tao sa Kanya; hindi Niya kailanman natamasa ang lahat ng kasaganahan sa lupa, inilaan Niya ang kabuuan ng Kanyang taos, at maalab na puso sa tao, inilaan Niya ang Kanyang sarili nang buo sa sangkatauhan—at sino ang kailanman ay nagpadama na sa Kanya ng pagkagiliw? Sino ang kailanman ay nakapagdulot na sa Kanya ng kaaliwan? Naidagan na ng tao ang lahat ng pabigat sa Kanya, naipasa na nito ang lahat ng kasawian sa Kanya, naipilit na nito ang pinakasawing mga karanasan ng tao sa Kanya, ibinaling nito sa Kanya ang sisi para sa lahat ng kawalang-katarungan, at walang-imik na Niya itong tinanggap. Nagprotesta na ba Siya kailanman sa sinuman? Humingi na ba Siya kahit kailan ng kaunting kabayaran mula sa sinuman? Sino ang ni minsang nagpakita sa Kanya ng anumang pagmamalasakit? Bilang normal na mga tao, sino ang hindi nagkaroon ng isang romantikong pagkabata? Sino ang hindi nagkaroon ng isang makulay na kabataan? Sino ang hindi kinagigiliwan ng mga mahal sa buhay? Sino ang hindi magiliw na minamahal ng mga kamag-anak at mga kaibigan? Sino ang hindi iginagalang ng iba? Sino ang walang mapagmahal na pamilya? Sino ang walang pag-aalo ng kanilang mga pinagkakatiwalaan? At kahit kailan ba ay natamasa na Niya ang alinman sa mga ito? Sino ang kahit kailan ay naging magiliw na sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagpadama na sa Kanya ng kahit kaunting kaaliwan? Sino ang kailanman ay nagpakita sa kanya ng kaunting moralidad ng tao? Sino ang kahit kailan ay nagparaya na sa Kanya? Sino ang ni minsang nakasama Niya sa mga araw ng pagdurusa? Sino ang ni minsang namuhay kasama Niya sa isang buhay ng pagdurusa? Hindi kailanman nabawasan ng tao ang kanyang mga hinihingi sa Kanya; naghahanap lamang siya ng mga bagay-bagay mula sa Kanya nang walang anumang mga pag-aalinlangan, na para bang, dahil sa Siya’y pumarito sa mundo ng tao, kailangan Siyang maging kanyang baka o kabayo, kanyang bilanggo, at kailangang ibigay ang Kanyang lahat-lahat sa tao; kung hindi, hindi Siya kailanman patatawarin ng tao, hindi Siya kailanman tatantanan, hindi kailanman Siya tatawaging Diyos, at hindi Siya kailanman pag-uukulan ng mataas na pagpapahalaga. Masyadong mahigpit ang saloobin ng tao sa Diyos, na para bang babawasan lamang nito ang mga hinihingi nito sa Diyos pagkatapos Siyang pahirapan hanggang sa mamatay; kung hindi, hindi kailanman ibababa ng tao ang kanyang mga hinihinging pamantayan sa Diyos. Paanong hindi kasusuklaman ng Diyos ang taong gaya nito? Hindi ba ito ang trahedya ng kasalukuyan? Nawawala ang budhi ng tao. Palagi niyang sinasabi na susuklian niya ang pag-ibig ng Diyos, ngunit sinusuri niya ang Diyos at pinahihirapan Siya hanggang mamatay. Hindi ba ito ang “lihim na timpla” sa kanyang pananalig sa Diyos, na minana mula sa kanyang mga ninuno? Wala ang mga “Hudyo” sa lahat ng dako, at ngayon ginagawa pa rin nila ang parehong gawain, ginagawa pa rin nila ang parehong gawain ng pagsalungat sa Diyos, at gayumpaman ay dinadakila nila ang Diyos. Paano makikilala ng mga mata ng laman ng tao ang Diyos? Paano maituturing ng tao, na nabubuhay sa laman, ang nagkatawang-taong Diyos na nagmula sa Espiritu bilang Diyos? Sino sa mga tao ang maaaring makakilala sa Kanya? Nasaan ang katotohanan sa gitna ng tao? Nasaan ang tunay na pagiging matuwid? Sino ang makakaalam sa disposisyon ng Diyos? Sino ang kayang makipagtagisan sa Diyos sa langit? Hindi na kataka-taka na, kapag pumarito ang Diyos sa gitna ng tao, walang nakakakilala sa Kanya, at Siya ay itinatakwil. Papaanong matitiis ng tao ang pag-iral ng Diyos? Paano nito mahahayaan na itaboy ng liwanag ang kadiliman mula sa mundo? Hindi ba’t ang lahat ng ito ay ang matuwid at tuwirang espiritu ng dedikasyon ng tao? Hindi ba’t ito ang hayagang pagpasok ng tao? At hindi ba ang gawain ng Diyos ay nakasentro sa pagpasok ng tao? Nais Ko na iugnay ninyo ang gawain ng Diyos sa pagpasok ng tao, at itatag ang isang magandang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at tuparin ang tungkulin na dapat gawin ng tao, ginagawa ang lahat ng inyong makakaya. Sa ganitong paraan, ang gawain ng Diyos ay matatapos din sa huli, na magtatapos sa Kanyang pagtatamo ng kaluwalhatian!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (10)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 198

Ngayon, gumagawa Ako sa hinirang na mga tao ng Diyos sa Tsina, upang ibunyag ang lahat ng kanilang mapaghimagsik na disposisyon at ilantad ang lahat ng kanilang kapangitan, at gamitin ang kontekstong ito para sabihin ang lahat ng kailangan Kong sabihin. Pagkatapos, isasakatuparan Ko ang susunod na hakbang sa Aking gawain ng paglupig sa buong sansinukob, gagamitin Ko ang Aking paghatol sa inyo upang hatulan ang di-pagkamatuwid ng bawat isa sa buong sansinukob, sapagkat kayong mga tao ay ang mga kumakatawan sa mga mapaghimagsik sa sangkatauhan. Silang mga hindi makasasabay ay magiging mga hambingan at mga gamit-panserbisyo lamang, samantalang silang makasasabay ay gagamitin. Bakit Ko sinasabi na silang mga hindi makasasabay ay magsisilbi lamang bilang mga hambingan? Sapagkat ang Aking mga salita at gawain sa kasalukuyan ay nakatutok sa inyong mga pinagmulan, at dahil kayo ay naging mga kumakatawan at ang tipikal na halimbawa ng mga mapaghimagsik sa buong sangkatauhan. Kalaunan, dadalhin Ko ang mga salitang ito na lumulupig sa inyo sa mga dayuhang bansa at gagamitin Ko ang mga ito upang lupigin ang mga tao roon, ngunit ang mga ito’y hindi mo nakakamtan. Hindi ka ba magiging panghambingan sa gayon? Ang mga tiwaling disposisyon ng buong sangkatauhan, ang mga mapaghimagsik na kilos ng tao, at ang mga pangit na wangis at mukha ng tao—lahat ng ito ay nakatala ngayon sa mga salita na ginagamit upang lupigin kayo. Gagamitin Ko sa gayon ang mga salitang ito upang lupigin ang mga tao sa bawat bansa at bawat denominasyon sapagkat kayo ang modelo, ang nauna. Gayunpaman, hindi Ko binalak na sadyang abandonahin kayo; kung hindi mo nagagawa nang maayos ang iyong paghahangad at samakatwid, bilang resulta, ikaw ay di-maitutuwid, hindi ba’t ikaw ay magiging basta na lang isang gamit-panserbisyo at isang panghambing? Nasabi Ko minsan na ang Aking karunungan ay ginagamit batay sa mga pakana ni Satanas. Bakit Ko sinabi iyon? Hindi ba’t iyon ang tunay na kuwento sa likod ng Aking sinasabi at ginagawa ngayon? Kung hindi ka makasasabay, kung hindi ka nagagawang perpekto ngunit sa halip ay pinarurusahan, hindi ka ba magiging isang hambingan? Marahil, hanggang sa makarating sa kasalukuyan, nagdusa ka nang marami, ngunit wala ka pa ring nauunawaan; ikaw ay mangmang sa lahat ng bagay tungkol sa buhay. Kahit na ikaw ay nakastigo at nahatulan na, hindi ka nagbago kahit kaunti, at sa kaibuturan, hindi ka nakatamo ng buhay. Pagdating ng panahon para subukin ang iyong gawain, makararanas ka ng isang pagsubok na gaya ng apoy at mas matindi pang kapighatian. Pagsapit sa iyo ng apoy na ito, magiging abo ang iyong buong pagkatao. Hindi ka nagtataglay ng buhay, hindi ka nagtataglay ng ni katiting na purong ginto sa loob, hindi mo pa rin naiwawaksi ang dating tiwaling disposisyon, at ni hindi mo magawang maging isang mabuting hambingan, kaya paanong hindi ka ititiwalag? Maaari bang magamit sa gawain ng paglupig ang isang tao na mas mababa pa ang halaga kaysa sa isang kusing, isang taong hindi nagtataglay ng buhay? Kapag dumating ang panahong iyon, ang inyong mga araw ay magiging mas mahirap kaysa sa mga panahon nina Noe at ng Sodoma! Paano ka man magdasal, wala iyong magiging silbi para sa iyo sa panahong iyon. Magagawa mo bang bumalik at magsimulang muli na magsisi, kapag nagtapos na ang gawain ng pagliligtas? Sa sandaling ang lahat ng gawain ng pagliligtas ay nagawa na, wala nang magaganap pa; ang mangyayari na lamang ay ang simula ng gawain ng pagpaparusa sa masasamang tao. Ikaw ay lumalaban, ikaw ay naghihimagsik, at sadya kang gumagawa ng mali. Hindi ba’t ikaw ang pinatutungkulan ng mabigat na kaparusahan? Nililinaw Ko ito sa iyo ngayon. Kung pipiliin mong huwag makinig, kapag sumapit sa iyo ang sakuna kinalaunan, hindi ba’t magiging huli na kung noon mo lamang sisimulang madama ang pagsisisi at sisimulang maniwala? Ibinibigay Ko sa iyo ang isang pagkakataon na magsisi ngayon, ngunit hindi ka nagsisisi. Gaano katagal mo nais maghintay? Hanggang sa araw ba ng pagkastigo? Hindi Ko tinatandaan ngayon ang iyong nakaraang mga pagsalangsang; pinapatawad kita nang paulit-ulit, tinatalikdan ang iyong negatibong panig upang tumingin lamang sa iyong positibong panig, sapagkat lahat ng Aking salita at gawain sa kasalukuyan ay upang iligtas ka at wala Akong masamang layunin sa iyo. Ngunit tumatanggi kang pumasok; hindi mo makita ang pagkakaiba ng mabuti sa masama at hindi ka marunong magpahalaga sa kabaitan. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay naghihintay lamang sa pagdating ng kaparusahan at matuwid na pagganti?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 199

Nang hinampas ni Moises ang bato, at ang tubig na ibinigay ni Jehova ay bumukal, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang tinugtog ni David ang alpa at lira sa pagpupuri sa Akin, si Jehova—na ang kanyang puso ay puno ng kagalakan—ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang nawala kay Job ang kanyang mga hayop na pumupuno sa mga bundok at ang di-masukat na kayamanan, at ang kanyang katawan ay napuno ng masasakit na pigsa, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Kapag narinig niya ang tinig Ko, ni Jehova, at nakita ang Aking kaluwalhatian, ni Jehova, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nakasunod si Pedro kay Jesucristo dahil sa kanyang pananalig. Naipako siya sa krus alang-alang sa Akin at nakapagbigay ng maluwalhating patotoo dahil din sa kanyang pananalig. Nang makita ni Juan ang maluwalhating wangis ng Anak ng tao, ito ay dahil sa kanyang pananalig. Nang makita niya ang pangitain ng mga huling araw, ang lahat ng ito ay lalong dahil sa kanyang pananalig. Ang dahilan kung bakit ang sinasabing karamihan ng mga bayan ng Hentil ay nagkamit ng Aking paghahayag, at nakaalam na nakabalik na Ako sa katawang-tao upang gawin ang Aking gawain sa gitna ng tao, ay dahil din sa kanilang pananalig. Lahat niyaong hinahampas ng Aking mahihigpit na salita ngunit nagkakamit ng ginhawa mula rito at inililigtas—hindi ba nila nagawa ang gayon dahil sa kanilang pananalig? Dahil sa kanilang pananalig, nakatanggap ang mga tao ng napakaraming bagay, at hindi ito palaging mga pagpapala. Maaaring hindi nila matanggap ang uri ng kaligayahan at kagalakan na nadama ni David, o mapagkalooban ng tubig ni Jehova kagaya ni Moises. Halimbawa, pinagpala ni Jehova si Job dahil sa kanyang pananalig, ngunit nakatanggap din siya ng kagipitan. Kung ikaw man ay nakakatanggap ng mga pagpapala o kagipitan, parehong mga pinagpalang pangyayari ang mga ito. Kung hindi dahil sa pananalig mo, hindi mo matatanggap ang gawaing ito ng paglupig, at lalong hindi mo makikita ang mga gawa ni Jehova na naipapamalas sa harap ng mga mata mo ngayon—hindi mo ito makikita, at lalong hindi mo ito makakamit. Ang mga kagipitang ito, ang mga kalamidad na ito, at ang lahat ng paghatol—kung hindi dumating sa iyo ang mga ito, magagawa mo bang makita ang mga gawa ni Jehova ngayon? Ngayon, ang pananalig ang nagtutulot sa iyo na malupig, at ang pagiging nalupig ang nagtutulot sa iyo na manampalataya sa bawat gawa ni Jehova. Dahil lamang sa pananalig kaya ka nakatatanggap ng gayong pagkastigo at paghatol. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ito, ikaw ay nilulupig at pineperpekto. Kung hindi dahil sa pagkastigo at paghatol ngayon, ang iyong pananalig ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat hindi mo makikilala ang Diyos; kahit gaano ka nananampalataya sa Kanya, ang iyong pananalig ay magiging mga hungkag na salita lamang at hindi magkakaroon ng anumang realidad. Matapos mo lang tanggapin ang gawaing ito ng paglupig, na ginagawa kang lubos na mapagpasakop, na ang iyong pananalig ay nagiging totoo, at maaasahan, at ang iyong puso ay bumabaling sa Diyos. Kahit na ikaw ay isinasailalim sa maraming paghatol o maraming pagsumpa dahil sa salitang ito, “pananalig,” ikaw magkagayunman ay may totoong pananalig at ikaw ay nagkamit ng pinakatunay, pinakatotoo, at pinakamahalagang bagay. Ito ay dahil sa proseso lamang ng paghatol na nakikita mo ang hantungan ng mga nilikha; sa paghatol na ito mo nakikita ang pagiging kaibig-ibig ng Lumikha; sa ganitong uri ng gawain ng paglupig mo namamasdan ang bisig ng Diyos; sa panlulupig na ito mo lubos na nauunawaan ang buhay ng tao; sa panlulupig na ito mo natatamo ang tamang landas sa buhay ng tao at nauunawaan ang totoong kahulugan ng “tao”; sa panlulupig na ito mo lang nakikita ang matuwid na disposisyon ng Makapangyarihan sa lahat at ang Kanyang maganda at maluwalhating mukha; sa gawain ng paglupig na ito mo natutuklasan ang tungkol sa pinagmulan ng tao at nauunawaan ang “walang kamatayang kasaysayan” ng buong sangkatauhan; sa panlulupig na ito mo natutuklasan ang tungkol sa mga ninuno ng sangkatauhan at ang pinagmulan ng katiwalian ng sangkatauhan; sa panlulupig na ito ka nakatatanggap ng kagalakan at kapanatagan gayundin ng walang katapusang pagtutuwid, pagdidisiplina, at ng mga salita ng pagsaway ng Lumikha sa sangkatauhang Kanyang nilikha; sa gawain ng paglupig na ito ka nakatatanggap ng mga pagpapala, gayundin ng mga kasawian na dapat tanggapin ng tao…. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil sa iyong kaunting pananalig? At hindi ba lumalago ang iyong pananalig mula sa pagkakamit ng mga bagay na ito? Hindi ba napakarami ng iyong nakamit? Hindi mo lamang narinig ang salita ng Diyos at nakita ang karunungan ng Diyos, kundi personal mo ring naranasan ang bawa’t hakbang ng Kanyang gawain. Siguro sasabihin mo na kung wala kang pananalig, hindi ka magdurusa ng ganitong uri ng pagkastigo o ganitong uri ng paghatol. Ngunit dapat mong malaman na kung walang pananalig, hindi ka lang hindi makatatanggap ng ganitong uri ng pagkastigo ni ng ganitong uri ng pagkalinga mula sa Makapangyarihan sa lahat, kundi magpakailanmang maiwawala mo ang pagkakataong makatagpo ang Lumikha. Hinding-hindi mo malalaman ang pinagmulan ng sangkatauhan at hindi mauunawaan kailanman ang kabuluhan ng buhay ng tao. Kahit na ang iyong laman ay mamatay at ang iyong kaluluwa ay lumisan, hindi mo pa rin mauunawaan ang lahat ng gawa ng Lumikha, lalong hindi mo malalaman na gumawa ng gayong kadakilang gawain sa mundo ang Lumikha matapos Niyang likhain ang sangkatauhan. Bilang kasapi nitong sangkatauhan na Kanyang ginawa, ikaw ba ay pumapayag na nalilitong mahulog sa kadiliman nang ganito at magdusa ng walang-hanggang kaparusahan? Kung ihihiwalay mo ang iyong sarili sa pagkastigo at paghatol ngayon, ano ang iyong kakaharapin? Sa tingin mo ba na kapag naihiwalay ka mula sa kasalukuyang paghatol, makatatakas ka sa buhay na ito ng pagdurusa? Hindi ba totoo na kung lilisanin mo ang “lugar na ito,” ang iyong haharapin ay masakit na pagpapahirap o malubhang pinsalang ipinapataw ng mga diyablo? Maaari ka bang maharap sa di-makayanang mga araw at mga gabi? Sa tingin mo ba na sa pamamagitan ng pagtakas sa paghatol na ito ngayon, magpakailanman mong maiiwasan ang pighati sa hinaharap? Ano kaya ang darating sa iyo? Magiging Shangri-La kaya ito na iyong inaasahan? Sa tingin mo ba ay matatakasan mo ang walang-hanggang pagkastigo sa hinaharap sa pamamagitan lang ng pagtakas sa realidad gaya ng iyong ginagawa ngayon? Mula sa araw na ito, makahahanap ka pa kaya muli ng ganitong uri ng pagkakataon at ganitong uri ng pagpapala? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag dinatnan ka ng sakuna? Matatagpuan mo ba ang mga ito kapag ang buong sangkatauhan ay pumasok na sa kapahingahan? Ang kasalukuyang masaya mong buhay at ang iyong magkaayong munting pamilya—makakahalili ba ang mga ito sa iyong walang-hanggang hantungan sa hinaharap? Kung ikaw ay may totoong pananalig, at kung marami kang natatamo dahil sa iyong pananalig, lahat ng iyan ay ang dapat mo—isang nilikha—na matamo at gayundin ay ang dapat mong taglay noon pa man. Wala nang mas kapaki-pakinabang sa iyong pananalig at buhay kaysa gayong panlulupig.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 200

Ngayon, dapat mong mabatid kung paano malupig, at kung ano ang mga pagpapamalas ng mga tao matapos silang malupig. Maaari mong sabihin na nalupig ka na, ngunit makakapagpasakop ka ba hanggang sa kamatayan? Kailangan mong magawang sumunod hanggang sa kahuli-hulihan mayroon ka man o walang anumang kinabukasan, at hindi ka dapat mawalan ng pananalig sa Diyos anuman ang kapaligiran. Sa huli, kailangan mong makamit ang dalawang aspekto ng patotoo: ang patotoo ni Job—pagpapasakop hanggang sa kamatayan; at ang patotoo ni Pedro—ang sukdulang pagmamahal sa Diyos. Sa isang banda, kailangan mong maging kagaya ni Job: Nawala ang lahat ng kanyang materyal na ari-arian, at naharap siya sa karamdaman ng laman, subalit hindi niya tinalikuran ang pangalan ni Jehova. Ito ang patotoo ni Job. Nagawang mahalin ni Pedro ang Diyos hanggang kamatayan—nang hinarap niya ang kanyang kamatayan, minahal pa rin niya ang Diyos, nang siya ay ipinako sa krus, minahal pa rin niya ang Diyos. Hindi niya inisip ang sarili niyang kinabukasan o hinangad ang magagandang pag-asa o maluluhong saloobin, at hinangad lamang niyang mahalin ang Diyos at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos. Ganyan ang pamantayang kailangan mong maabot bago ka maituring na nagpatotoo, bago ka maging isang tao na nagawang perpekto matapos na malupig. Ngayon, kung kilala talaga ng mga tao ang sarili nilang diwa at katayuan, maghahangad pa rin ba sila ng kinabukasan at mga inaasam? Ito ang dapat mong malaman: Gawin man akong perpekto ng Diyos o hindi, kailangan kong sundan ang Diyos; lahat ng Kanyang ginagawa ngayon ay mabuti at ginagawa para sa aking kapakanan, at upang ang ating mga disposisyon ay kayang magbago at makawala tayo sa impluwensiya ni Satanas, upang tulutan tayong mga isinilang sa lupain ng karumihan na maiwaksi sa ating sarili at matanggal ang karumihang iyon, upang matanggal ang impluwensiya ni Satanas, at makalabas tayo mula rito. Siyempre pa, ito ang hinihingi sa iyo, ngunit para sa Diyos paglupig lamang ito, na ginagawa upang magkaroon ng determinasyon ang mga tao na magpasakop at magawa nilang ipasailalim ang lahat sa mga pamamatnugot ng Diyos. Sa ganitong paraan, maisasakatuparan ang mga bagay-bagay. Ngayon, karamihan sa mga tao ay nalupig na, ngunit sa kanilang kalooban ay marami pa rin ang mapaghimagsik at hindi mapagpasakop. Ang tunay na tayog ng mga tao ay napakababa pa rin. Sa sandaling magkaroon sila ng mga pag-asa at kinabukasan, nakararamdam sila ng motibasyon, at kung wala naman silang anumang mga pag-asa at walang kinabukasan na masasabi, nagiging negatibo sila, at iniisip pa nilang talikuran ang Diyos. Bukod pa riyan, walang matinding pagnanais ang mga tao na hangaring isabuhay ang normal na pagkatao. Hindi ito katanggap-tanggap. Sa gayon, kailangan Ko pa ring talakayin ang paglupig. Sa katunayan, nangyayari ang pagpeperpekto kasabay ng paglupig: Habang ikaw ay nilulupig, nakakamit din ang mga unang epekto ng pagiging nagawang perpekto. Kung saan may pagkakaiba sa pagitan ng malupig at magawang perpekto, ito ay ayon sa antas ng pagbabago sa mga tao. Ang malupig ang unang hakbang upang magawang perpekto, at hindi ito makahahalili sa pagiging ganap na nagawang perpekto, at hindi rin ito katunayan na ganap nang nakamit ng Diyos ang mga tao. Matapos malupig ang mga tao, may ilang pagbabago sa kanilang disposisyon, ngunit ang mga pagbabagong iyon ay napakalayo sa mga pagbabago ng mga taong ganap nang nakamit ng Diyos. Ngayon, ang ginagawa ay ang paunang gawain para magawang perpekto ang mga tao—ang paglupig sa kanila—at kung hindi ka malupig, walang paraan upang magawa kang perpekto at ganap na makamit ng Diyos. Magtatamo ka lamang ng ilang salita ng pagkastigo at paghatol, ngunit hindi makakaya ng mga ito na ganap na baguhin ang puso mo. Kaya magiging isa ka sa mga itiniwalag; wala itong ipinagkaiba sa pagtingin sa isang katakam-takam na piging sa ibabaw ng mesa ngunit hindi kumain nito. Hindi ba’t isa iyang ganap na kahabag-habag na sitwasyon para sa iyo? Kaya nga, kailangan mong maghangad ng mga pagbabago: Ang malupig man o magawang perpekto, kapwa nauugnay ito sa kung mayroong mga pagbabago sa iyo, at kung mapagpasakop ka man o hindi, at ito ang nagpapasiya kung ikaw ay makakamit ng Diyos o hindi. Dapat mong malaman na ang “malupig” at “magawang perpekto” ay batay lamang sa antas ng pagbabago at pagpapasakop, pati na rin sa kung gaano kadalisay ang iyong pagmamahal sa Diyos. Ang kinakailangan ngayon ay na ganap kang magawang perpekto, ngunit sa simula ay kailangan kang malupig—kailangan ay mayroon kang sapat na kaalaman tungkol sa pagkastigo at paghatol ng Diyos, kailangan ay mayroon kang pananalig na sumunod, at maging isa kang taong naghahangad ng mga pagbabago at ng pagkakilala sa Diyos. Saka ka lamang magiging isang tao na naghahangad na magawang perpekto. Dapat ninyong maunawaan na habang ginagawa kayong perpekto ay lulupigin kayo, at habang nilulupig kayo ay gagawin kayong perpekto. Ngayon, maaari kang maghangad na magawang perpekto o maghangad ng mga pagbabago sa iyong panlabas na pagkatao at mapahusay ang iyong kakayahan, ngunit ang pinakamahalaga ay na kaya mong maunawaan na ang lahat ng ginagawa ngayon ng Diyos ay may kahulugan at kapaki-pakinabang: Ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay binibigyan nito ng kakayahang maiwaksi sa iyong sarili ang karumihan at matanggal ito, binibigyan ka nito ng kakayahang madaig ang impluwensiya ni Satanas, at makawala sa madilim na impluwensiya ni Satanas, at sa pagpapatuon sa iyo sa mga bagay na ito, binibigyan ka nito ng proteksyon sa lupaing ito ng karumihan. Sa huli, anong patotoo ang hihilinging ibigay mo? Ito ay na ikaw na isinilang sa isang lupain ng karumihan ay magawang maging pinabanal, na hindi na muling mabahiran ng dumi kailanman, at na ikaw na namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay makawala sa impluwensiya ni Satanas, na hindi maangkin ni maligalig ni Satanas, at sa gayon ay mamuhay sa mga kamay ng Makapangyarihan sa lahat. Ito ang patotoo, at ang katibayan ng tagumpay sa pakikipaglaban kay Satanas. Nagagawa mong maghimagsik laban kay Satanas, hindi ka na nagpapakita ng mga satanikong disposisyon sa iyong pagsasabuhay, kundi sa halip ay isinasabuhay mo yaong hiningi ng Diyos na makamit ng tao nang likhain Niya ang tao: normal na pagkatao, normal na katwiran, normal na kabatiran, normal na matibay na pagpapasiyang mahalin ang Diyos, at katapatan sa Diyos. Ganyan ang patotoong dapat ibigay ng isang nilikha. Sabi mo, “Kami ay isinilang sa isang lupain ng karumihan, ngunit dahil sa proteksyon ng Diyos, dahil sa Kanyang pamumuno, at dahil nalupig Niya kami, nakawala na kami sa impluwensiya ni Satanas. Na kaya naming magpasakop ngayon ay epekto rin ng paglupig ng Diyos, at hindi ito dahil sa mabuti kami, o dahil likas naming mahal ang Diyos. Iyon ay dahil hinirang kami ng Diyos, at pauna kaming itinadhana, kaya kami nalupig ngayon, nakagagawang magpatotoo para sa Kanya, at maglingkod sa Kanya; gayundin, dahil hinirang Niya kami at pinrotektahan Niya kami kung kaya’t nagkamit kami ng kaligtasan, at nailigtas kami mula sa kapangyarihan ni Satanas, at naiwaksi namin sa aming sarili ang karumihan at napadalisay kami sa bansa ng malaking pulang dragon.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (2)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 201

Ang gawain ng mga huling araw ay bumabasag sa lahat ng patakaran, isinumpa ka man o pinarusahan, basta’t nakatutulong ka sa Aking gawain at nakakabuti sa gawain ng panlulupig ngayon, at inapo ka man ni Moab o supling ng malaking pulang dragon, basta’t nagagampanan mo ang tungkulin ng isang nilikha sa yugtong ito ng gawain at ginagawa mo nang masinsinan ang gawain mo, makakamit ang hangad na epekto. Ikaw ang supling ng malaking pulang dragon, at ikaw ay isang inapo ni Moab; sa kabuuan, lahat ng may laman at dugo ay mga nilikha, at nilikha ng Lumikha. Ikaw ay isang nilikha, hindi ka dapat magkaroon ng anumang pagpipilian, at ito ang iyong tungkulin. Mangyari pa, ngayon ay nakatuon ang gawain ng Lumikha sa buong sansinukob. Kanino ka man nagmula, sa huli, isa ka sa mga nilikha, kayo—mga inapo ni Moab—ay bahagi ng mga nilikha, na ang tanging kaibhan ay na mababa ang inyong halaga. Yamang, ngayon, ang gawain ng Diyos ay isinasakatuparan sa gitna ng lahat ng nilikha at nakatuon sa buong sansinukob, malaya ang Lumikha na pumili ng sinumang mga tao, anumang mga pangyayari, o anumang mga bagay upang gawin ang Kanyang gawain. Wala Siyang pakialam kung kanino ka nagmula dati; basta’t isa ka sa mga nilikha, at basta’t kapaki-pakinabang ka sa Kanyang gawain—ang gawain ng panlulupig—at sa Kanyang patotoo, isasagawa Niya ang Kanyang gawain sa iyo nang walang anumang pangamba. Binabasag nito ang tradisyonal na mga kuru-kuro ng mga tao, na ang Diyos ay hindi gagawa kailanman sa mga Hentil, lalo na roon sa mga naisumpa at aba; para sa mga taong naisumpa, lahat ng henerasyon sa hinaharap na nagmumula sa kanila ay isusumpa rin magpakailanman, at hindi kailanman magkakaroon ng pagkakataong maligtas; hindi kailanman bababa ang Diyos at gagawa sa lupain ng Hentil, at hindi kailanman tatapak sa lupain ng karumihan, sapagkat Siya ay banal. Lahat ng kuru-kurong ito ay binasag na ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dapat ninyong malaman na ang Diyos ang Diyos ng lahat ng nilikha, Siya ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa langit at lupa at lahat ng bagay, at hindi lamang Diyos ng mga tao ng Israel. Sa gayon, napakahalaga ng gawaing ito sa Tsina, at hindi ba’t palalaganapin ito sa napakaraming bansa? Ang malaking patotoo sa hinaharap ay hindi magiging limitado sa Tsina; kung kayo lamang ang nilupig ng Diyos, maaari bang makumbinsi ang mga demonyo? Hindi nila nauunawaan ang malupig, o ang dakilang kapangyarihan ng Diyos, at kapag namasdan ng mga taong hinirang ng Diyos sa buong sansinukob ang huling mga epekto ng gawaing ito, saka lamang malulupig ang lahat ng nilikha. Wala nang mas paurong o tiwali kaysa sa mga inapo ni Moab. Maging ang gayong mga tao ay nalupig na—na ibig sabihin, sila na pinakatiwali, na hindi kinilala ang Diyos o naniwala na may Diyos, ay nalupig na, at kinikilala ang Diyos sa kanilang bibig, pinupuri Siya, at nagagawa Siyang mahalin—ito at ito lamang ang patotoo tungkol sa panlulupig. Bagama’t hindi kayo si Pedro, isinasabuhay ninyo ang imahe ni Pedro, nagagawa ninyong taglayin ang patotoo ni Pedro, at ni Job, at ito ang pinakadakilang patotoo. Sa huli ay sasabihin mo, “Hindi kami mga Israelita, kundi mga tinanggihang inapo ni Moab, hindi kami si Pedro, na may kakayahang hindi namin taglay, ni hindi kami si Job, at ni hindi kami maikukumpara sa determinasyon ni Pablo na magdusa para sa Diyos at igugol ang kanyang sarili para sa Diyos, at masyado kaming paurong, at sa gayon, hindi kami karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala ng Diyos. Itinaas pa rin kami ng Diyos ngayon; kaya kailangan naming palugurin ang Diyos, at bagama’t hindi sapat ang aming kakayahan o mga kalipikasyon, handa kaming palugurin ang Diyos—ito ang aming matibay na pasiya. Kami ay mga inapo ni Moab, at kami ay isinumpa. Pauna na itong inorden ng Diyos, at hindi namin kayang baguhin ito, ngunit maaaring magbago ang aming pagsasabuhay at aming kaalaman, at mayroon kaming determinasyon na palugurin ang Diyos.” Kapag mayroon ka ng matibay na pagpapasiyang ito, magpapatunay ito na tinataglay mo na ang patotoo na nalupig ka na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (2)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 202

Ang epektong nilayon ng gawain ng panlulupig, higit sa lahat, ay upang hindi na maghimagsik ang laman ng tao; ibig sabihin, upang magtamo ng bagong pagkakilala ang isipan ng tao tungkol sa Diyos, upang ang puso ng tao ay lubusang magpasakop sa Diyos, at upang ang tao ay magkaroon ng mga kapasyahan na alang-alang sa Diyos. Hindi itinuturing na nalupig ang mga tao kapag nagbago ang kanilang personalidad o laman; kapag nagbago ang kanilang mentalidad, ang kanilang kamalayan, at ang kanilang katwiran, ibig sabihin, kapag nagbago ang kanilang buong mental na pananaw—iyon ay kapag nalupig na sila ng Diyos. Kapag mayroon ka na ng determinasyon na magpasakop, nagkaroon ng isang bagong mentalidad, wala nang anumang mga kuru-kuro tungkol sa mga salita at gawain ng Diyos, ni anumang mga intensiyon tungkol sa mga bagay na ito, at ang utak mo ay may kapasidad na mag-isip nang normal—ibig sabihin, kapag kaya mo nang igugol ang sarili mo para sa Diyos nang buong puso mo—ikaw ang uri ng tao na lubusang nalupig. Sa relihiyon, maraming taong nagdurusa nang husto sa buong buhay nila: Sinusupil nila ang kanilang katawan at pinapasan ang kanilang krus, at patuloy pa silang nagdurusa at nagtitiis kapag nasa bingit na ng kamatayan! Nag-aayuno pa rin ang ilan sa umaga ng kanilang kamatayan. Buong buhay nila ay pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng masasarap na pagkain at magagarang damit, nakatuon lang sa pagdurusa. Nagagawa nilang supilin ang kanilang katawan at maghimagsik laban sa kanilang laman. Kapuri-puri ang diwa nilang magtiis ng pagdurusa. Ngunit ang kanilang mentalidad, ang kanilang mga kuru-kuro, ang kanilang mental na pananaw, at ang dati nilang kalikasan ay hindi pa napungusan kahit kaunti. Wala silang tunay na pagkakilala tungkol sa kanilang sarili. Ang wangis ng Diyos na nasa kanilang isipan ay ang tradisyonal na imahe ng isang malabong Diyos. Ang determinasyon nilang magdusa para sa Diyos ay nagmumula sa kanilang kasigasigan at mabuting personalidad ng kanilang pagkatao. Kahit nananampalataya sila sa Diyos, hindi nila Siya nauunawaan ni hindi nila alam ang Kanyang mga layunin. Pikit-mata lamang silang gumagawa at nagdurusa para sa Diyos. Hindi nila binibigyan ng anumang halaga ang pagkilatis, halos walang pakialam kung paano titiyakin na talagang tinutupad ng kanilang paglilingkod ang mga layunin ng Diyos, lalo nang wala silang kamalayan kung paano magkamit ng pagkakilala tungkol sa Diyos. Ang Diyos na kanilang pinaglilingkuran ay hindi ang Diyos sa Kanyang likas na wangis, kundi isang Diyos na inilarawan nila sa kanilang isip, isang Diyos na nabalitaan lamang nila, o nabasa lamang nila sa mga nakasulat na alamat. Pagkatapos ay ginagamit nila ang kanilang mayayabong na imahinasyon at pagiging deboto upang magdusa para sa Diyos at isagawa ang gawain ng Diyos na nais gawin ng Diyos. Lubhang hindi tumpak ang kanilang paglilingkod, kaya nga halos walang sinuman sa kanila ang tunay na nagagawang maglingkod sa Diyos alinsunod sa mga layunin ng Diyos. Gaano man sila kahandang magdusa, ang orihinal nilang pananaw sa paglilingkod at ang wangis ng Diyos sa kanilang isipan ay hindi nagbabago, dahil hindi pa sila sumasailalim sa paghatol, pagkastigo, pagpipino, at pagpeperpekto ng Diyos, ni hindi sila nagabayan ng sinuman gamit ang katotohanan. Kahit nananampalataya sila kay Jesus na Tagapagligtas, walang sinuman sa kanila ang nakakita sa Tagapagligtas kailanman. Nalalaman lamang nila ang tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga alamat at sabi-sabi. Dahil dito, ang kanilang paglilingkod ay katumbas lamang ng arbitraryong paglilingkod nang nakapikit, tulad ng isang bulag na naglilingkod sa sarili niyang ama. Ano, sa bandang huli, ang makakamit ng gayong uri ng paglilingkod? At sino ang sasang-ayon dito? Mula simula hanggang wakas, ganoon pa rin ang kanilang paglilingkod sa kabuuan; tumatanggap lamang sila ng mga aral na gawa ng tao at ibinabatay lamang nila ang kanilang paglilingkod sa kanilang naturalesa at sa kanilang sariling mga kagustuhan. Anong gantimpala ang idudulot nito? Kahit si Pedro, na nakakita kay Jesus, ay hindi alam kung paano maglingkod alinsunod sa mga layunin ng Diyos; nalaman lamang niya ito sa bandang huli, noong matanda na siya. Ano na lang kaya ang masasabi tungkol sa mga taong bulag na hindi pa nakaranas ng kahit kaunting pagpupungos, at walang sinumang gumagabay sa kanila? Hindi ba kagaya ng sa mga taong bulag na ito ang paglilingkod ng marami sa inyo ngayon? Lahat ng hindi pa nakatanggap ng paghatol, hindi pa nakatanggap ng pagpupungos, at hindi pa nagbago—hindi ba’t lahat sila ay yaong hindi pa ganap na nalupig? Ano ang silbi ng gayong mga tao? Kung ang iyong mentalidad, iyong pagkakilala tungkol sa buhay, at iyong pagkakilala tungkol sa Diyos ay hindi nagpapakita ng bagong pagbabago at wala ka talagang napapala, hindi ka magkakamit kailanman ng anumang resulta sa iyong paglilingkod! Kung wala kang pangitain at bagong kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos, ikaw ay hindi nalupig. Ang pagsunod mo sa Diyos, kung gayon, ay magiging katulad ng mga nagdurusa at nag-aayuno: maliit ang halaga! Dahil mismo sa walang patotoo sa kanilang ginagawa kaya Ko sinasabi na walang saysay ang kanilang paglilingkod! Ang mga taong ito ay nagdurusa at gumugugol ng oras sa bilangguan sa buong buhay nila, lagi silang matiisin, mapagmahal, nagpapasan ng krus, at sinisiraan sila at itinatakwil ng mundo—nagdaranas ng lahat ng hirap. Bagama’t masunurin sila hanggang sa pinakahuli, hindi pa rin sila nalupig, at walang maibahaging patotoo na nalupig na sila. Nagdusa na sila nang malaki, ngunit sa kanilang kalooban ay ni hindi man lamang nila kilala ang Diyos. Wala sa kanilang dating mentalidad, mga dating kuru-kuro, mga relihiyosong gawi, kaalamang gawa ng tao, at pag-iisip ng tao ang napungusan. Wala sila ni katiting na pahiwatig ng bagong kaalaman sa kanilang kalooban. Wala ni katiting ng kanilang pagkakilala tungkol sa Diyos ang totoo o tumpak. Mali ang pagkaunawa nila sa mga layunin ng Diyos. Paglilingkod ba ito sa Diyos? Anuman ang pagkakilala mo tungkol sa Diyos noong araw, kung ganoon pa rin iyon ngayon at patuloy mong ibinabatay ang iyong pagkakilala sa Diyos sa sarili mong mga kuru-kuro at pag-iisip anuman ang ginagawa ng Diyos, na ang ibig sabihin ay kung wala kang taglay na bago at tunay na pagkakilala tungkol sa Diyos at kung nabigo kang makilala ang likas na wangis at disposisyon ng Diyos, kung ang iyong pagkakilala sa Diyos ay ginagabayan pa rin ng pyudal at mapamahiing pag-iisip at mga imahinasyon at kuru-kuro pa rin ng tao, hindi ka pa nalupig. Ang lahat ng maraming salitang sinasabi Ko ngayon sa iyo ay para ipaalam sa iyo, para akayin ka ng kaalamang ito sa isang mas bago at tumpak na pagkakilala; ang mga ito ay para pungusan din ang mga lumang kuru-kuro at mga lumang kaalaman mo, upang magtaglay ka ng bagong kaalaman. Kung tunay mong kinakain at iniinom ang Aking mga salita, ang iyong kaalaman ay lubhang magbabago. Basta’t kinakain at iniinom mo ang mga salita ng Diyos na may pusong mapagpasakop, babaligtad ang iyong pananaw. Basta’t nagagawa mong tanggapin ang paulit-ulit na mga pagkastigo, unti-unting magbabago ang iyong dating mentalidad. Basta’t lubos na napalitan ng bago ang iyong dating mentalidad, magbabago rin ang iyong pagsasagawa ayon dito. Sa ganitong paraan, ang iyong paglilingkod ay lalong magiging tumpak, lalong magagawang tugunan ang mga layunin ng Diyos. Kung mababago mo ang iyong pamumuhay, ang iyong kaalaman tungkol sa buhay ng tao, at ang iyong maraming kuru-kuro tungkol sa Diyos, unti-unting mababawasan ang iyong naturalesa. Ito, at wala nang iba, ang epekto kapag nilupig ng Diyos ang mga tao, ito ang pagbabagong nangyayari sa mga tao. Kung, sa iyong pananalig sa Diyos, ang tanging alam mo ay supilin ang iyong katawan at magtiis at magdusa, at hindi mo alam kung iyan ay tama o mali, lalo na kung para kanino ito ginagawa, paano maaaring humantong sa pagbabago ang gayong uri ng pagsasagawa?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (3)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 203

Ano ang ibig sabihin ng magawang perpekto? Ano ang ibig sabihin ng malupig? Ano ang mga pamantayang kailangang matugunan para malupig ang mga tao? At ano ang mga pamantayang kailangang matugunan para magawa silang perpekto? Ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para sa layunin na gawing ganap ang tao upang maipanumbalik siya sa kanyang orihinal na wangis, at mapalaya sa kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon at sa impluwensiya ni Satanas. Ang paglupig na ito ay maagang dumarating sa proseso ng gawaan sa tao; ito ang unang hakbang ng gawain. Pagpeperpekto ang pangalawang hakbang, at ito ang pangwakas na gawain. Ang lahat ng tao ay kailangang dumaan sa proseso ng pagkalupig. Kung hindi, walang paraan para makilala nila ang Diyos, ni hindi nila malalaman na may isang Diyos, na ibig sabihin ay imposible nilang kilalanin ang Diyos. At kung hindi kinikilala ng mga tao ang Diyos, imposible ring magawa silang ganap ng Diyos, yamang hindi nila naaabot ang mga pamantayan para magawang ganap. Kung hindi mo man lamang kinikilala ang Diyos, paano mo Siya makikilala? Paano mo Siya mahahangad? Hindi mo rin magagawang magpatotoo sa Kanya, at lalong hindi ka magkakaroon ng pananalig upang palugurin Siya. Kaya, para sa sinumang nais magawang ganap, ang unang hakbang dapat ay magdaan sa gawain ng paglupig. Ito ang unang kondisyon. Ngunit ang paglupig at pagpeperpekto ay kapwa para gawaan ang mga tao at baguhin sila, at bawat isa ay bahagi ng gawain ng pamamahala sa tao. Ang mga ito ang dalawang hakbang para sa paggawang perpekto sa isang tao, at parehong kailangang-kailangan. Totoong ang “malupig” ay di-gaanong magandang pakinggan, ngunit sa totoo lang, ang proseso ng paglupig sa isang tao ay ang proseso ng pagbago sa kanila. Sa sandaling nalupig ka na, maaaring hindi pa naiwaksi nang lubusan ang iyong mga tiwaling disposisyon, ngunit mauunawaan mo na ang mga ito. Sa pamamagitan ng gawain ng paglupig, mauunawaan mo ang iyong abang pagkatao, pati na ang marami sa sarili mong paghihimagsik. Kahit hindi mo magawang iwaksi o baguhin ang mga bagay na ito sa loob ng maikling panahon ng gawain ng paglupig, mauunawaan mo ang mga ito, at ito ang maglalatag ng pundasyon para sa iyong pagka-perpekto. Sa gayon, ang panlulupig at pagpeperpekto ay kapwa ginagawa upang baguhin ang mga tao, upang alisin sa kanila ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon nang sa gayon lubos nilang maiaalay ang kanilang sarili sa Diyos. Sadya lamang na ang malupig ay ang unang hakbang sa pagbabago ng disposisyon ng mga tao, at unang hakbang din sa lubusang pag-aalay ng mga tao ng kanilang sarili sa Diyos, at mas mababa kaysa sa hakbang na magawang perpekto. Ang buhay disposisyon ng isang taong nalupig ay lubhang di-gaanong nagbabago kumpara sa disposisyon ng isang taong nagawang perpekto. “Ang malupig” at “magawang perpekto” ay magkaiba sa termino dahil magkaibang yugto ng gawain ang mga ito at dahil magkaiba ang mga hinihinging pamantayan nila sa mga tao; mas mababa ang mga pamantayan ng paglupig sa mga tao, samantalang mas mataas ang mga pamantayan ng pagpeperpekto sa kanila. Ang mga nagawang perpekto ay mga taong matuwid, sila ay ginawang banal; sila ang mga kristalisasyon ng gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, o ang mga tapos na produkto. Kahit hindi sila mga perpektong tao, sila ay mga taong naghahangad na mamuhay nang makabuluhan. Samantala, pasalita lang na kinikilala ng mga nalupig ang pag-iral ng Diyos, at kinikilala lang nila na nagkatawang-tao na ang Diyos, na nagpakita na ang Salita sa katawang-tao, at na pumarito na ang Diyos sa lupa upang gawin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Bukod pa rito, kinikilala nila na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at ang Kanyang paghampas at pagpipino, ay kapaki-pakinabang na lahat sa tao. Kasisimula lang nilang magkaroon ng kaunting wangis ng tao. Mayroon silang kaunting mga kabatiran sa buhay, ngunit may kalabuan pa rin ito sa kanila. Sa madaling salita, nagsisimula pa lamang silang magtaglay ng kaunting pagkatao. Ito ang mga epekto ng malupig. Kapag nagsimulang tumahak ang mga tao sa landas ng pagkaperpekto, ang dati nilang mga disposisyon ay may kakayahang magbago. Bukod dito, patuloy na lumalago ang kanilang buhay, at unti-unti silang pumapasok nang mas malalim sa katotohanan. Nagagawa nilang kamuhian ang mundo at lahat ng hindi naghahangad ng katotohanan. Sa partikular, hindi lang sila namumuhi sa kanilang sarili, ngunit higit pa riyan, malinaw nilang nakilala ang kanilang sarili. Handa silang mamuhay ayon sa katotohanan, ginagawa nilang kanilang layon na hangarin ang katotohanan, at ayaw nilang mamuhay sa loob ng mga kaisipan ng sarili nilang isipan. Nakararamdam sila ng pagkasuklam sa pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, kahambugan, at kapalaluan ng tao, nagsasalita sila nang may matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal, may pagkilatis at karunungan kapag nahaharap sa mga bagay, at matapat at mapagpasakop sa Diyos. Kung nakararanas sila ng isang pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, hindi lamang sila hindi nagiging negatibo o mahina, kundi nagpapasalamat pa sila para sa pagkastigo at paghatol na ito ng Diyos, naniniwala na hindi maaaring wala silang pagkastigo at paghatol ng Diyos, na pinoprotektahan sila nito. Hindi sila nagsisikap na maghangad ng pananalig na magkaroon ng kapayapaan at kagalakan at maghangad na makinabang hangga’t nais. Ni hindi rin sila naghahangad ng pansamantalang pagtamasa ng laman. Ito ang tinataglay ng mga ginawang perpekto. Matapos malupig ang mga tao, kinikilala nila na may isang Diyos, ngunit ang pagkilala na iyon ay naipapamalas sa kanila sa limitadong bilang ng mga pamamaraan. Ano ba talaga ang ibig sabihin ng Salitang nagpapakita sa katawang-tao? Ano ang kahulugan ng pagkakatawang-tao? Ano na ang nagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ano ang layunin at kabuluhan ng Kanyang gawain? Matapos maranasan ang napakarami sa Kanyang gawain, matapos maranasan ang Kanyang mga gawa sa katawang-tao, ano ang iyong natamo? Matapos maunawaan ang lahat ng bagay na ito ay saka ka lamang magiging isang tao na nalupig. Kung sinasabi mo lang na kinikilala mo na may isang Diyos, ngunit hindi mo tinatalikuran ang dapat mong talikuran, at hindi mo maisuko ang mga kasiyahan ng laman kapag oras na para isuko ang mga ito, sa halip ay patuloy kang nag-iimbot sa mga kaginhawahan ng laman tulad ng dati, at kung hindi mo magawang pakawalan ang anumang mga pagkiling laban sa mga kapatid, at hindi ka nagsasakripisyo sa pagsasakatuparan ng maraming simpleng pagsasagawa, pinatutunayan nito na hindi ka pa nalulupig. Kung gayon, kahit marami kang nauunawaan, mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng iyon. Ang mga nalupig ay mga taong nagtamo ng ilang paunang mga pagbabago at paunang pagpasok. Ang pagdanas ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay nagdudulot sa mga tao ng paunang kaalaman tungkol sa Diyos, at ng paunang pagkaarok sa katotohanan. Maaaring hindi mo kayang lubos na makapasok sa realidad ng maraming mas malalim, mas detalyadong mga katotohanan, ngunit naisasagawa mo ang maraming panimulang katotohanan, tulad ng mga may kinalaman sa iyong mga kasiyahan ng laman o sa iyong personal na katayuan sa aktuwal na buhay. Lahat ng ito, siyempre, ay epekto na natatamo sa mga tao habang sila ay nilulupig. Makikita rin ang mga pagbabago sa disposisyon sa nalupig; halimbawa, ang paraan ng kanilang pananamit at pag-aayos sa kanilang sarili, at kung paano sila namumuhay—magbabago ang lahat ng ito. Ang kanilang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos ay nagbabago, malinaw sa kanila ang mga layon ng kanilang paghahangad, at may mas malalaki silang kapasyahan. Sa gawain ng paglupig, nangyayari din ang nauukol na mga pagbabago sa kanilang buhay disposisyon. May mga pagbabago, ngunit mababaw, panimula, at napakababa kumpara sa mga pagbabago sa disposisyon at mga layunin ng patuloy na paghahangad ng mga nagawang perpekto. Habang nilulupig, kung hindi man lamang magbago ang disposisyon ng isang tao, at hindi sila magtamo ng anumang katotohanan, ang taong ito ay isang basura, at ganap na walang silbi! Ang mga taong hindi pa nalulupig ay hindi maaaring magawang perpekto! Kung hinahangad lamang ng isang tao na malupig, hindi siya lubos na magagawang ganap, kahit nagpapakita ng ilang nauugnay na pagbabago ang kanilang mga disposisyon sa panahon ng gawain ng paglupig. Mawawala rin sa kanya ang mga paunang katotohanang kanyang natamo. May malaking pagkakaiba sa pagitan ng pagbabago sa mga disposisyon sa mga nalupig at sa mga nagawang perpekto. Ngunit ang malupig ang unang hakbang sa pagbabago; ito ang pundasyon. Ang kawalan ng paunang pagbabagong ito ay katunayan na talagang hindi man lamang kilala ng isang tao ang Diyos, yamang ang kaalamang ito ay nagmumula sa paghatol, at ang paghatol na iyon ay isang malaking bahagi ng gawain ng paglupig. Sa gayon, lahat ng ginawang perpekto ay kailangan munang malupig. Kung hindi, walang paraan para magawa silang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (4)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 204

Ngayon, pinagsasabihan Ko kayo sa ganitong paraan para sa kapakanan ng inyong sariling pananatiling buhay, upang ang Aking gawain ay sumulong nang maayos, at upang ang Aking kauna-unahang gawain sa loob ng buong sansinukob ay maisakatuparan nang higit na angkop at ganap, ibinubunyag ang Aking mga salita, awtoridad, pagiging maharlika, at paghatol sa mga tao ng bawat bansa at bayan. Ang Aking gawain na ginagawa sa gitna ninyo ay ang umpisa ng Aking gawain sa loob ng buong sansinukob. Bagama’t ngayon na ang panahon ng mga huling araw, alamin ninyo na ang “mga huling araw” ay isa lamang pangalan ng isang kapanahunan, isang termino na tumutukoy sa isang kapanahunan; gaya lamang ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya, ito ay pumapatungkol sa isang buong kapanahunan sa halip na ng huling ilang taon o buwan. Ngunit ang mga huling araw ay hindi gaya ng Kapanahunan ng Biyaya at ng Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawain ng mga huling araw ay hindi isinasakatuparan sa Israel, kundi sa gitna ng mga Hentil; nilulupig ng gawaing ito ang mga tao mula sa lahat ng bansa at tribo sa labas ng Israel sa harap ng Aking trono, upang ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob ay makapupuno sa kosmos at sa kalangitan. Ito ay upang makamtan Ko ang mas dakilang kaluwalhatian, upang ang lahat ng nilikha sa lupa ay makapagpalaganap ng Aking kaluwalhatian sa di-mabilang na mga bayan, sa gitna ng mga susunod na henerasyon magpakailanman, at ang lahat ng nilikha sa langit at lupa ay makakakita sa lahat ng kaluwalhatian na Aking nakamit sa lupa. Ang gawaing isinasakatuparan sa panahon ng mga huling araw ay ang gawain ng panlulupig. Hindi ito paggabay sa lahat ng tao sa lupa na mamuhay ng kanilang buhay sa lupa, kundi ang pagtatapos ng walang hanggan at libo-libong taong buhay ng pagdurusa ng sangkatauhan sa lupa. Dahil dito, ang gawain ng mga huling araw ay hindi maaaring maging katulad ng gawain sa Israel, na tumagal ng ilang libong taon, ni hindi rin ito maaaring maging katulad ng gawain sa Judea, na tumagal lamang ng ilang taon at pagkatapos ay nagpatuloy ng dalawang libong taon hanggang sa pangalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Nakikipag-ugnayan lamang ang mga tao sa mga huling araw sa muling pagpapakita ng Manunubos sa katawang-tao, at tinatanggap nila ang personal na gawain at mga salita ng Diyos. Hindi ito aabot ng dalawang libong taon bago dumating ang katapusan ng mga huling araw; ito ay maikli, kagaya noong isinakatuparan ni Jesus ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya sa Judea. Ito ay dahil ang mga huling araw ay tungkol sa pagtatapos ng buong kapanahunan. Ito ay tungkol sa pagkompleto at pagwawakas sa anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos, at pagtatapos ng paglalakbay ng sangkatauhan sa buhay ng pagdurusa. Ito ay hindi tungkol sa pagdadala sa buong sangkatauhan tungo sa susunod na kapanahunan o pagpapahintulot sa buhay ng sangkatauhan na magpatuloy; wala iyang kabuluhan para sa Aking plano ng pamamahala o para sa pag-iral ng tao. Kung ang sangkatauhan ay magpapatuloy nang ganito, kung gayon sa malao’t madali sila ay lalamunin nang buo ng masamang diyablo, at iyong mga kaluluwa na nabibilang sa Akin ay mawawasak sa kahuli-hulihan sa mga kamay nito. Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim na libong taon, at pinahintulutan Ko lang din ang kontrol sa buong sangkatauhan ng masama na magtagal lamang nang anim na libong taon. Kaya, ubos na ang oras ngayon. Hindi Ko na ninanais na magpatuloy o magpaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na nasa Aking panig upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu, na siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Lilikhain Ko lang muli ang sangkatauhan sa lupa, isang sangkatauhan na ginawang banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Ngunit alamin ninyo na hindi Ko wawasakin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Pananatilihin Ko iyong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging lubusan Kong nalupig at nagmamahal sa Akin, at sila ay Aking gagawing mabunga at pararamihin sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan; matatanggap nila ang masaganang tupa at baka na Aking tinutustos sa kanila, pati na ang lahat ng kasaganaan sa lupa. Ang sangkatauhang ito ay makakapiling Ko magpakailanman, ngunit hindi ito ang magiging di-mabatang maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na katipunan ng lahat ng Aking nakamit. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magugulo, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na patuloy na iiral sa mundo pagkatapos Kong matalo si Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalupig Ko na ngayon at nagtamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na mananatili at magkakamit ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ang mga ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipagdigma kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking nailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging kristalisasyon at bunga ng Aking anim na libong taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat nasyon at denominasyon, mula sa bawat lugar at bansa sa loob ng buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Sa huli, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng mga tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas. Iyong mga nasa gitna ng sangkatauhan na hindi Ko nailigtas at nalupig ay tahimik na lulubog sa kailaliman ng dagat, at masusunog ng Aking tumutupok na apoy nang walang-hanggan. Lilipulin Ko itong luma at sukdulang maruming sangkatauhan, kagaya ng paglipol Ko sa mga panganay na anak, mga baka, at tupa ng Ehipto, itinira lamang ang mga Israelita, na kumain ng karne ng tupa, uminom ng dugo ng tupa, at nagtatak ng dugo ng tupa sa hamba ng kanilang mga pinto. Hindi ba’t ang mga taong Aking nalupig at mula sa Aking pamilya ay siya ring mga taong kumakain ng laman ng Kordero na Ako at umiinom ng dugo ng Kordero na Ako, at Aking natubos at sumasamba sa Akin? Hindi ba sila ang mga uri ng tao na laging sinasamahan ng Aking kaluwalhatian? Hindi ba iyong mga wala ng laman ng Kordero na Ako ay matagal nang tahimik na nakalubog sa kailaliman ng dagat? Ngayon nilalabanan ninyo Ako, at ngayon ang Aking mga salita ay tulad lamang ng mga sinabi ni Jehova sa mga anak at apo ng Israel. Ngunit may katigasan ng kalooban sa kaibuturan ng inyong puso, at iniipon ninyo ang Aking galit, nagdudulot ng higit pang pagdurusa sa inyong laman, higit pang paghatol sa inyong mga kasalanan, at higit pang galit sa inyong kawalan ng katuwiran. Sino ang makakaligtas sa Aking araw ng galit, kung ganito ang turing ninyo sa Akin sa ngayon? Kaninong kawalan ng katuwiran ang kayang makatakas sa Aking mga mata ng pagkastigo? Kaninong mga katampalasanan ang makakaiwas sa mga kamay Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Kaninong paglaban ang makakatakas sa paghatol Ko, ang Makapangyarihan sa lahat? Ako, si Jehova, ay nagsasalita sa inyo sa ganitong paraan, mga inapo ng pamilyang Hentil, at ang mga salitang binibigkas Ko sa inyo ay lampas sa lahat ng pagbigkas sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit mas matigas pa ang kalooban ninyo kaysa sa lahat ng tao sa Ehipto. Hindi ba ninyo iniipon ang Aking galit habang Ako ay payapang gumagawa ng Aking gawain? Paano kayo makakatakas nang walang pinsala mula sa araw Ko, ang Makapangyarihan sa lahat?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 205

Dapat ninyong ibigay ang lahat para sa Aking gawain. Dapat kayong gumawa ng gawaing kapaki-pakinabang sa Akin. Handa Akong ipaliwanag sa inyo ang lahat ng hindi ninyo nauunawaan para makamit ninyo mula sa Akin ang lahat ng wala sa inyo. Bagama’t di-mabilang sa dami ang inyong mga depekto, handa Akong patuloy na gawin ang gawaing dapat Kong gawin sa inyo, ipagkaloob sa inyo ang huling awa Ko para makinabang kayo mula sa Akin at magtamo kayo ng kaluwalhatiang wala sa inyo at hindi pa nakikita ng mundo kailanman. Gumawa Ako nang napakaraming taon, subalit hindi Ako nakilala ng sinumang tao kailanman. Handa Akong sabihin sa inyo ang mga lihim na hindi Ko pa nasasabi kailanman kahit kanino.

Sa gitna ng mga tao, Ako ang Espiritung hindi nila makita, ang Espiritung hindi nila nakasalamuha kailanman. Dahil sa tatlong yugto ng Aking gawain sa lupa (paglikha ng mundo, pagtubos, at pagwasak), nagpapakita Ako sa gitna nila sa iba’t ibang panahon (hindi sa publiko kailanman) upang gawin ang Aking gawain sa gitna nila. Ang unang pagkakataon na pumarito Ako sa mga tao ay noong Kapanahunan ng Pagtubos. Mangyari pa, napunta Ako sa isang pamilyang Hudyo; sa gayon, ang unang nakakita sa pagparito ng Diyos sa lupa ay ang mga Hudyo. Kaya Ko ginawa nang personal ang gawaing ito ay dahil nais Kong gamitin ang Aking nagkatawang-taong laman bilang handog para sa kasalanan para gawin ang Aking gawain ng pagtubos. Sa gayon, ang unang nakakita sa Akin ay ang mga Hudyo sa Kapanahunan ng Biyaya. Iyon ang unang pagkakataon na gumawa Ako na nasa katawang-tao. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang gawain Ko ay manlupig at magperpekto, kaya sa katawang-tao Ko pa rin ginagawa ang gawain Ko ng pagpapastol. Ito ang Aking ikalawang beses ng paggawa sa katawang-tao. Sa huling dalawang yugto ng gawain, ang nakakasalamuha ng mga tao ay hindi na ang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu, kundi isang tao na siyang Espiritung nagkatawang-tao. Sa gayon, sa mga mata ng tao, nagiging tao Akong muli, nang walang katiting ng Diyos sa Akin. Bukod dito, ang Diyos na nakikita ng mga tao ay hindi lamang lalaki, kundi babae rin, na lubhang kataka-taka at palaisipan sa kanila. Ang Aking paulit-ulit na pambihirang gawain ang bumasag sa mga lumang paniniwalang pinanghawakan sa loob ng napakaraming taon. Labis na nagulat ang mga tao! Ang Diyos ay hindi lamang ang Banal na Espiritu, ang Espiritu, ang pitong beses na pinatinding Espiritu, o ang Espiritung sumasaklaw sa lahat, kundi isang tao rin—isang ordinaryong tao, isang lubhang karaniwang tao. Hindi lamang Siya lalaki, kundi babae rin. Magkatulad Sila sa aspektong kapwa Sila isinilang sa mga tao, at magkaiba Sila sa aspektong ipinaglihi ang isa sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ang isa naman ay isinilang sa isang tao, bagama’t direktang nagmula sa Espiritu. Magkatulad Sila dahil pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao na umako sa gawain ng Diyos Ama, at magkaiba dahil ginawa ng isa ang gawain ng pagtubos samantalang ang isa naman ay gumagawa ng gawain ng paglupig. Parehong kumakatawan sa Diyos Ama, ngunit ang isa ay ang Manunubos, na puno ng mapagmahal na kabaitan at awa, at ang isa naman ay ang Diyos ng katuwiran, na puno ng poot at paghatol. Ang isa ay ang Kataas-taasang Pinuno na naglunsad ng gawain ng pagtubos, samantalang ang isa naman ay ang matuwid na Diyos na nagsasakatuparan ng gawain ng paglupig. Ang isa ay ang Simula, at ang isa naman ay ang Wakas. Ang isa ay walang-kasalanang katawang-tao, samantalang ang isa naman ay katawang-tao na tumatapos sa pagtubos, nagpapatuloy ng gawain, at di-nagkakasala kailanman. Pareho Silang iisang Espiritu, ngunit nananahan Sila sa magkaibang katawang-tao at isinilang sa magkaibang lugar, at magkahiwalay Sila nang ilang libong taon. Gayunman, lahat ng Kanilang gawain ay nagpupuno sa isa’t isa, hindi kailanman nagkakasalungat, at maaaring banggitin nang sabay. Pareho Silang tao, ngunit ang isa ay isang sanggol na lalaki at ang isa naman ay isang sanggol na babae. Sa loob ng maraming taon na ito, ang nakita ng mga tao ay hindi lamang ang Espiritu at hindi lamang isang tao, isang lalaki, kundi maraming bagay pa na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao; sa gayon, hindi Ako kailanman lubos na naaarok ng mga tao, at patuloy silang kalahating naniniwala at kalahating nagdududa sa Akin—na para bang umiiral nga Ako, subalit isa rin Akong di-makatotohanang panaginip—kaya nga, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung ano ang Diyos. Talaga bang maibubuod mo Ako sa isang simpleng pangungusap? Talaga bang nangangahas kang sabihing, “Si Jesus ay walang iba kundi ang Diyos, at ang Diyos ay walang iba kundi si Jesus”? Napakatapang mo ba talaga para sabihing, “Ang Diyos ay walang iba kundi ang Espiritu, at ang Espiritu ay walang iba kundi ang Diyos”? Nangangahas ka bang sabihing, “Ang Diyos ay isang tao lamang na dinamitan ng laman”? May tapang ka ba talagang igiit, “Ang wangis ni Jesus ay ang dakilang wangis ng Diyos”? Nagagawa mo bang gamitin ang iyong kahusayan sa panitikan para ipaliwanag nang lubusan ang disposisyon at wangis ng Diyos? Nangangahas ka ba talagang sabihing, “Mga lalaki lamang ang nilikha ng Diyos, hindi mga babae, ayon sa Kanyang sariling wangis”? Kung sasabihin mo ito, walang babaeng mapapabilang sa Aking mga pinili, lalo nang hindi magiging isang klase ng sangkatauhan ang mga babae. Ngayon talaga bang alam mo kung ano ang Diyos? Tao ba ang Diyos? Espiritu ba ang Diyos? Lalaki ba talaga ang Diyos? Si Jesus lamang ba ang kayang kumompleto sa gawaing gagawin Ko? Kung isa lamang sa mga nabanggit ang pipiliin mo para ibuod ang Aking diwa, isa kang debotong mananampalataya na labis na mangmang. Kung minsan Ko lang ginawa ang gawain ng pagkakatawang-tao, lilimitahan ba ninyo Ako? Mauunawaan mo ba talaga Ako nang lubusan sa isang sulyap lamang? Maibubuod mo ba talaga Ako nang ganap batay sa kung ano ang nakaharap mo sa buong buhay mo? Kung pareho ang gawaing ginawa Ko sa Aking dalawang pagkakatawang-tao, ano ang magiging tingin ninyo sa Akin? Hahayaan ba ninyong manatili Akong nakapako sa krus magpakailanman? Maaari bang ang Diyos ay maging kasingsimple ng sinasabi mo?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Pagkakilala Mo sa Diyos?

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 206

Ang isang yugto ng gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan sa Israel, at ang isa ay isinakatuparan sa Judea. Sa pangkalahatan, alinman sa mga yugto ng gawaing ito ay hindi iniwan ang Israel, at bawat isa ay isinagawa sa unang mga taong hinirang. Dahil dito, naniniwala ang mga Israelita na ang Diyos na si Jehova ay Diyos lamang ng mga Israelita. Dahil gumawa si Jesus sa Judea, kung saan tinapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang tingin sa Kanya ng mga Hudyo ay Manunubos ng mga Hudyo. Akala nila ay Hari lamang Siya ng mga Hudyo, hindi ng sinumang iba pang mga tao; na hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Briton, ni hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Amerikano, kundi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Israelita; at ang mga Hudyo ang tinubos Niya sa Israel. Sa totoo lang, ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha. Hindi lamang Siya Diyos ng mga Israelita, ni ng mga Hudyo; Diyos Siya ng lahat ng nilikha. Ang naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain ay naganap sa Israel, at ang mga tao ay nagkaroon ng mga kuru-kuro bilang resulta nito. Naniniwala sila na ginawa ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, na si Jesus Mismo ang nagsakatuparan ng Kanyang gawain sa Judea, at, bukod pa rito, na ginawa ni Jesus ang gawaing ito sa laman. Ano’t anuman, iniisip nila, ang gawaing ito ay hindi lumagpas pa sa Israel. Hindi gumawa ang Diyos sa mga taga-Ehipto o sa mga Indiano; gumawa lamang Siya sa mga Israelita. Sa gayon ay nakabuo ng iba’t ibang kuru-kuro ang mga tao, at nilimitahan ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na saklaw. Sinasabi nila na kapag gumagawa ang Diyos, kailangan Niyang gawin iyon sa mga taong hinirang, at sa Israel; maliban sa mga Israelita, hindi na gumagawa ang Diyos sa iba, ni wala nang anumang mas malawak na saklaw ang Kanyang gawain. Napakahigpit nila pagdating sa pagkokontrol sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila Siya pinapayagang kumilos nang lampas sa mga hangganan ng Israel. Hindi ba mga kuru-kuro lamang ng tao ang lahat ng ito? Ginawa ng Diyos ang lahat ng langit at lupa at lahat ng bagay, ginawa Niya ang lahat ng nilikha, kaya paano Niya lilimitahan ang Kanyang gawain sa Israel lamang? Kung magkagayon, ano ang silbi ng paglalang Niya sa lahat ng nilikha? Nilikha Niya ang buong mundo, at naisakatuparan Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala hindi lamang sa Israel, kundi sa bawat tao sa sansinukob. Ano ka man—Tsino, Amerikano, Briton, Ruso—bawat tao ay inapo ni Adan; lahat sila ay nilalang ng Diyos. Walang isa man sa kanila ang makakatakas sa mga hangganan ng mga nilikha, at wala ni isa sa kanila ang makakahiwalay sa titulo na “inapo ni Adan.” Lahat sila ay mga nilikha, at lahat sila ay supling ni Adan, at lahat sila ay mga tiwaling inapo rin nina Adan at Eba. Hindi lamang ang mga Israelita ang mga nilikha, kundi lahat ng tao; kaya lamang ay isinumpa na ang ilan, at napagpala ang ilan. Maraming kanais-nais na bagay tungkol sa mga Israelita; gumawa ang Diyos sa kanila sa simula dahil sila ang mga taong pinaka-hindi gaanong tiwali. Hindi maikukumpara ang mga Tsino sa kanila; hamak na mas mababa ang mga ito. Kaya, gumawa ang Diyos sa mga tao ng Israel sa simula, at ang pangalawang yugto ng Kanyang gawain ay isinakatuparan lamang sa Judea—na humantong na sa pagkabuo ng maraming kuru-kuro at regulasyon sa mga tao. Sa katunayan, kung kikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at sa gayon ay hindi Niya makakayang ipalaganap ang Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil, sapagkat magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at hindi Diyos ng lahat ng nilikha. Isinaad sa mga propesiya na ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil, na lalaganap ito sa mga bayan ng Hentil. Bakit ito ipinropesiya? Kung ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, sa Israel lamang Siya gagawa. Bukod pa riyan, hindi Niya palalaganapin ang gawaing ito, at hindi Siya gagawa ng ganitong propesiya. Dahil ginawa nga Niya ang propesiyang ito, siguradong ipapalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil, sa loob ng bawat bansa at lahat ng lupain. Dahil sinabi Niya ito, kailangan Niyang gawin ito; ito ang Kanyang plano, sapagkat Siya ang Panginoon na lumikha sa langit at lupa at lahat ng bagay, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Gumagawa man Siya sa mga Israelita, o sa buong Judea, ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang gawain ng buong sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon sa bansa ng malaking pulang dragon—sa isang bayan ng Hentil—ay gawain pa rin ng buong sangkatauhan. Ang Israel ay maaaring maging pundasyon ng Kanyang gawain sa lupa; gayundin, maaari ding maging pundasyon ang Tsina sa Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil. Hindi ba natupad na Niya ngayon ang propesiya na “ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil”? Ang unang hakbang ng Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil ay ang gawaing ito, ang gawaing Kanyang ginagawa sa bansa ng malaking pulang dragon. Salungat talaga sa mga kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupaing ito, at ang paggawa sa mga isinumpang taong ito; sila ang mga taong pinakaaba sa lahat, wala silang halaga, at sa simula ay inabandona sila ni Jehova. Ang mga tao ay maaaring talikuran ng ibang mga tao, ngunit kung inabandona sila ng Diyos, sila na ang may pinakamababang katayuan, sila na ang may pinakamababang halaga. Para sa isang nilikha, ang maangkin ni Satanas o matalikuran ng mga tao ay isang bagay na napakasakit—ngunit ang isang nilikha na inabandona ng Lumikha ay nangangahulugan na wala nang mas mababa pa sa kanyang katayuan. Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinakabumabasag sa mga kuru-kuro ng tao, at pinakakapaki-pakinabang din sa buong anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakanakakabasag sa mga kuru-kuro ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilulunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay binabasag Niya ang lahat ng kuru-kuro ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang inisyal na gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bayan ng Hentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng isang bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Hentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay “nagiging” Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 207

Ngayon, may mga hindi pa rin nakakaunawa kung anong bagong gawain ang nasimulan ng Diyos. Sa mga bayan ng Hentil, nagpasimula na ang Diyos ng isang bagong panimula. Nagpasimula Siya ng isang bagong kapanahunan, at nagpasimula ng bagong gawain—at ginagampanan Niya ang gawaing ito sa mga inapo ni Moab. Hindi ba ito ang Kanyang pinakabagong gawain? Wala pang sinuman sa lahat ng kapanahunan at henerasyon ang nakaranas ng gawaing ito kailanman. Ni wala pang nakarinig dito, lalo nang walang nakaarok dito. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, pagiging di-maarok, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos ay pawang naibubunyag sa yugtong ito ng gawain, ang gawain sa mga huling araw. Hindi ba ito bagong gawain, gawaing bumabasag sa mga kuru-kuro ng tao? May mga nag-iisip ng ganito: “Yamang isinumpa ng Diyos si Moab at sinabi na aabandonahin Niya ang mga inapo ni Moab, paanong ililigtas Niya sila ngayon?” Sila iyong mga Hentil na isinumpa ng Diyos at pinaalis sa Israel; tinawag sila ng mga Israelita na “mga asong Hentil.” Sa paningin ng lahat, hindi lamang sila mga asong Hentil, kundi mas masahol pa, mga anak ng pagkawasak; na ibig sabihin, hindi sila mga taong hinirang ng Diyos. Bagama’t inisyal silang isinilang sa loob ng mga hangganan ng Israel, hindi sila kabilang sa mga tao ng Israel, at pinatalsik sila sa mga bayan ng Hentil. Sila ang pinakaaba sa lahat ng tao. Ito ay dahil mismo sa sila ang pinakaaba sa sangkatauhan kaya isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paglulunsad ng isang panibagong kapanahunan sa kanila, sapagkat kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay hindi walang pagpili o walang layon; ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga taong ito ngayon ay gawain ding isinasagawa sa lahat ng nilikha. Si Noe ay isang nilikha, gayundin ang kanyang mga inapo. Sinuman sa mundo na may laman at dugo ay isang nilikha. Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa lahat ng nilikha; hindi ito nakasalalay sa kung isinumpa ang tao matapos siyang likhain. Ang Kanyang gawain ng pamamahala ay nakatuon sa lahat ng nilikha, hindi roon sa mga taong hinirang na hindi isinumpa. Dahil nilalayon ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lahat ng Kanyang nilikha, tiyak na isasakatuparan Niya ito hanggang sa matagumpay na matapos, at gagawa Siya sa mga taong kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Samakatwid, binabali Niya ang lahat ng regulasyon kapag gumagawa Siya sa mga tao; ang mga salitang “isinumpa,” “kinastigo” at “pinagpala” ay hindi umiiral para sa Kanya! Ang mga Hudyo ay mabuti, gayundin ang mga taong hinirang sa Israel; sila ay mga taong may mataas na kakayahan at mabuting pagkatao. Sa simula, sa kanila inilunsad ni Jehova ang Kanyang gawain, at isinagawa ang Kanyang pinakaunang gawain—ngunit ang gawin silang mga tagatanggap ng gawain ng paglupig ngayon ay magiging walang kabuluhan. Bagama’t sila rin ay bahagi ng mga nilikha, at may maraming positibo tungkol sa kanila, ngunit walang silbi ang pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain sa kanila; hindi nito malulupig ang mga tao, ni hindi nito makukumbinsi ang lahat ng nilikha. Ito mismo ang kabuluhan ng paglilipat ng Kanyang gawain sa mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang may pinakamalaking kabuluhan dito ay ang Kanyang paglulunsad ng isang kapanahunan, ang Kanyang pagbali sa lahat ng regulasyon at lahat ng kuru-kuro ng tao at ang Kanyang pagtatapos ng gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinasakatuparan pa rin ang Kanyang kasalukuyang gawain sa mga Israelita, kapag natapos na ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala, maniniwala ang lahat na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, at na ang mga Israelita lamang ang karapat-dapat na magmana ng pagpapala at pangako ng Diyos. Isinasakatuparan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa bayan ng Hentil ng malaking pulang dragon ang Kanyang gawain ng pagiging ang Diyos ng lahat ng nilikha, tinatapos ang kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at winawakasan ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang gawain ng pamamahala sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang sentro ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa tao—iyon ay, pasambahin sa Lumikha ang lahat ng nilikha. Sa gayon, may malaking kahulugan ang bawat yugto ng gawain; walang anumang ginagawa ang Diyos na walang kahulugan o halaga. Sa isang banda, pinasisimulan ng yugtong ito ng gawain ang isang bagong kapanahunan at winawakasan ang naunang dalawang kapanahunan; sa kabilang banda, binabasag nito ang lahat ng kuru-kuro ng mga tao at lahat ng lumang paraan ng paniniwala at mga lumang paraan ng pag-unawa sa mga bagay. Ang gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan ayon sa iba’t ibang mga kuru-kuro ng tao; gayunman, ganap na inaalis ng yugtong ito ang mga kuru-kuro ng tao, sa gayon ay lubos na nalulupig ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paglupig sa mga inapo ni Moab, sa pamamagitan ng gawaing isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, lulupigin ng Diyos ang mga tao sa buong sansinukob. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, at ito ang pinakamahalagang aspekto ng yugtong ito ng Kanyang gawain. Kahit alam mo na ngayon na aba ang iyong sariling posisyon at na mababa ang iyong halaga, madarama mo pa rin na nagmana ka ng isang napakalaking pagpapala at tumanggap na ng isang napakadakilang pangako, at na makakatulong kang isakatuparan ang dakilang gawaing ito ng Diyos, makita ang tunay na mukha ng Diyos, malaman ang likas na disposisyon ng Diyos, at makasunod sa kalooban ng Diyos, na makikita mong ang pinakanakagagalak na bagay. Ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos ay isinakatuparan sa Israel. Kung isinasakatuparan din ang yugtong ito ng Kanyang gawain sa mga huling araw sa mga Israelita, hindi lamang maniniwala ang lahat ng nilikha na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, kundi mabibigo rin ang buong plano ng pamamahala ng Diyos na makamit ang nais nitong epekto. Sa panahon kung kailan isinakatuparan ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, walang bagong gawain—ni walang anumang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ang isinakatuparan sa mga bayan ng Hentil. Ang yugto ng gawain sa ngayon—ang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ay unang isinasakatuparan sa mga bayan ng Hentil, at, dagdag pa rito, pauna itong isinasakatuparan sa mga inapo ni Moab, sa gayon ay inilulunsad nito ang buong kapanahunan. Binabasag ng Diyos ang anumang kaalamang nakapaloob sa mga kuru-kuro ng tao, na hindi tinutulutang manatili ang anuman dito. Sa Kanyang gawain ng paglupig, binasag na Niya ang mga kuru-kuro ng tao, at ang mga luma at dating paraan ng pag-unawa sa mga bagay. Hinahayaan Niya na makita ng mga tao na walang mga regulasyon sa Diyos, na walang anumang luma tungkol sa Diyos, na ang gawaing Kanyang ginagawa ay lubos na napalaya, lubos na malaya, at na tama Siya sa lahat ng Kanyang ginagawa. Kailangan mong lubos na magpasakop sa anumang gawaing Kanyang ginagawa sa mga nilikha. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay may kahulugan, at isinasakatuparan ayon sa Kanyang sariling mga layunin at karunungan, at hindi ayon sa mga pagpili at kuru-kuro ng tao. Kung may anumang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, ginagawa Niya iyon; at kung may hindi kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, hindi Niya iyon ginagawa, gaano man iyon kaganda! Gumagawa Siya at pumipili ng mga tatanggap at lugar ng Kanyang gawain alinsunod sa kahulugan at layunin ng Kanyang gawain. Hindi Siya kumakapit sa mga dating regulasyon kapag gumagawa Siya, ni hindi Siya sumusunod sa mga lumang pormula. Sa halip, ipinaplano Niya ang Kanyang gawain ayon sa kabuluhan ng gawain. Sa huli, matatamo Niya ang isang tunay na epekto at ang inaasam na layon nito. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, hindi magkakaroon ng bisa ang gawaing ito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 208

Gaano kalalaki ang mga hadlang sa gawain ng Diyos? May nakaalam na ba kahit kailan? Sa pagkakakulong ng mga tao sa malalang bahid ng pamahiin, sino’ng may kakayanang malaman ang totoong mukha ng Diyos? Sa paurong na kaalamang ito sa kultura na napakababaw at kakatwa, paano nila lubusang maarok ang mga salitang sinabi ng Diyos? Kahit pa sila ay kinakausap nang harapan, at pinalulusog nang bibig sa bibig, paano sila makakaunawa? Kung minsan para itong pagtutugtog ng lute sa isang bakang nagpapastol: Wala ni katiting na reaksiyon ang mga tao, iniiling nila ang kanilang mga ulo at walang naiintindihan. Paanong hindi ito makababahala? Itong “malayong,[1] sinaunang kasaysayan ng kultura at kaalaman sa kultura” ay nakapag-alaga na ng gayong walang-kabuluhang pangkat ng mga tao. Anong sinaunang kultura—anong mahalagang pamana? Isa itong bunton ng basura! Matagal na itong naging walang-katapusang kahihiyan, at hindi nararapat banggitin! Naturuan na nito ang mga tao ng mga pandaraya at mga pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos, at ang “may kaayusan at mahinahong patnubay”[2] ng edukasyong pambansa ay nagawa na ang mga taong mas higit pang mapaghimagsik sa Diyos. Bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay napakahirap gawin, at bawat hakbang ng Kanyang gawain sa lupa ay naglagay sa Diyos sa mahirap na sitwasyon. Napakamatrabaho ng gawain Niya sa lupa! Napakahirap ng mga hakbang Niya sa gawain Niya sa lupa: Para sa kahinaan ng tao, mga kakulangan, kawalan ng hustong gulang, kamangmangan, at lahat ng tungkol sa tao, metikulosong nagpaplano ang Diyos at masusing nagsasaalang-alang. Ang tao ay parang isang tigreng papel na walang nangangahas na sumalungat o pumukaw ng galit; sa pinakabahagyang paghipo siya ay kaagad nangangagat, o kaya ay nahuhulog at naliligaw sa kanyang daan, at para bang, sa pinakatiting na pagkawala ng atensiyon, siya ay bumabalik sa dati, o kung hindi ay binabalewala niya ang Diyos, o tumatakbo siya sa mga magulang niyang tulad ng mga baboy at aso upang magpakasasa sa maruruming bagay ng kanilang mga katawan. Anong tinding hadlang! Sa halos bawat hakbang ng Kanyang gawain, sumasailalim sa isang tukso ang Diyos, at sa halos bawat hakbang ay nanganganib ang Diyos. Ang Kanyang mga salita ay taos-puso at taimtim, at walang malisya, ngunit sino ang handang tanggapin ang mga ito? Sino ang handang ganap na sumuko? Dinudurog nito ang puso ng Diyos. Nagpapakapagod Siya araw at gabi para sa tao, napupuno Siya ng pagkabalisa para sa buhay ng tao, at nagpapakita Siya ng konsiderasyon sa kahinaan ng tao. Nagtiis na Siya ng maraming mga pasikut-sikot sa bawat hakbang ng Kanyang gawain, sa bawat salita na sinasabi Niya; lagi Siyang nasa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato, at iniisip ang kahinaan, paghihimagsik, kawalan ng hustong gulang, at kahinaan ng tao … sa lahat ng oras at nang paulit-ulit. Sino ang kailanma’y nakabatid na nito? Sino ang maaari Niyang pagtapatan? Sino ang makakayang makaunawa? Kailanman ay kinamumuhian Niya ang mga kasalanan ng tao, at ang kawalan ng gulugod, ang kawalan ng lakas ng loob ng tao, at kailanman Siya ay nag-aalala sa kahinaan ng tao, at pinag-iisipan niya ang landas na naghihintay sa tao. Habang nakikita Niya ang mga salita at mga gawa ng tao, palagi Siyang puno ng awa, at galit, at ang makita ang mga bagay na ito ay laging nagdudulot ng pasakit sa Kanyang puso. Ang inosenteng tao, matapos ang lahat, ay naging manhid na; bakit dapat palaging ginagawang mahirap ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa kanya? Lubos na walang tiyaga ang taong mahina; bakit dapat laging may ganoong di-humuhupang galit ang Diyos tungo sa kanya? Wala ni munti mang sigla ang mahina at walang-kapangyarihang tao; bakit dapat lagi siyang pinagsasabihan ng Diyos dahil sa kanyang paghihimagsik? Sino ang makatatagal sa mga banta ng Diyos sa langit? Ang tao, matapos ang lahat, ay mahina, at dahil talagang wala na ibang pagpipilian, pinigilan ng Diyos ang Kanyang galit tungo sa kaibuturan ng Kanyang puso, hinahayaan ang tao na unti-unting magnilay sa kanyang sarili. Ngunit ang tao, na lubhang nagdurusa, ay wala ni bahagyang pagpapahalaga sa mga layunin ng Diyos. Niyurakan siya ng mga paa ng matandang hari ng mga diyablo pero lubos niyang hindi namamalayan, at palagi siyang sumasalungat sa Diyos, o kung hindi ay hindi mainit ni malamig tungo sa Diyos. Nakabigkas na ng maraming salita ang Diyos, ngunit sino ang kailanman ay nagseryoso na sa mga ito? Hindi nauunawaan ng tao ang mga salita ng Diyos, gayumpaman ay panatag siya at walang pananabik; hindi niya kailanman tunay na nakilala ang diwa ng matandang diyablo. Nakatira ang mga tao sa Hades, sa impiyerno, ngunit naniniwala na nakatira sila sa isang “palasyo sa ilalim ng dagat”; sila ay inuusig ng malaking pulang dragon, gayumpaman ang iniisip nila sa kanilang mga sarili ay ang “mapaboran”[3] ng estado; pinaglalaruan sila ng diyablo ngunit iniisip na kanilang tinatamasa ang pinakamainam na sining ng laman. Anong pangkat ng mga nakakapandiri at abang mga hamak sila! Sinapit na ng tao ang kasawian, ngunit hindi niya ito nalalaman, at sa madilim na lipunang ito ay nagdurusa siya ng sunod-sunod na kamalasan,[4] datapwa’t hindi pa siya kailanman nagising. Kailan niya iwawaksi ang kanyang disposisyon ng pagiging mabait sa kanyang sarili at ang kanyang malaaliping disposisyon? Bakit hindi siya mapagsaalang-alang sa puso ng Diyos? Tahimik ba niyang kinukunsinti ang pang-aapi at paghihirap na ito? Hindi ba niya inaasam ang araw na maaari niyang palitan ng liwanag ang kadiliman? Hindi ba niya inaasam na mabawi ang katarungan at katotohanan na naagrabyado? Handa ba siyang manood nang walang ginagawa habang itinatakwil ng tao ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan? Handa ba siyang patuloy na tiisin ang kawalang-hustisya na ito? Payag ba siyang maging alipin? Handa ba siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos kasama ang mga alipin ng nabigong estadong ito? Nasaan ang iyong kapasyahan? Nasaan ang iyong ambisyon? Nasaan ang iyong dignidad? Nasaan ang iyong integridad? Nasaan ang iyong kalayaan? Handa ka bang ibigay ang iyong buong buhay[5] para sa malaking pulang dragon, ang hari ng mga diyablo? Handa ka bang hayaan itong pahirapan ka hanggang sa mamatay sa buhay na ito? Ang mukha ng kalaliman ay magulo at madilim; ang mga karaniwang tao ay dumadaing laban sa Langit at lupa, at ang lahat ng buhay na nilalang ay nalulubog sa paghihirap. Kailan maitataas ng tao ang kanyang ulo? Payat at buto’t balat ang tao, paano niya malalabanan itong malupit at abusadong diyablo? Bakit hindi niya ibinibigay ang kanyang buhay sa Diyos sa pinakamadaling panahong makakaya niya? Bakit nag-aalinlangan pa rin siya? Kailan niya matatapos ang gawain ng Diyos? Siya ay minamaltrato at inaapi nang walang layon sa ganitong paraan, at ang kanyang buong buhay sa kahuli-hulihan ay ginugugol nang walang-kabuluhan; bakit siya nagmamadaling dumating, at nagmamadaling umalis? Bakit hindi siya nagtatabi ng isang bagay na mahalaga upang ibigay sa Diyos? Nakalimutan na ba niya ang sanlibong taon ng pagkamuhi?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)

Mga Talababa:

1. Ang “malayo” ay ginagamit nang patuya.

2. Ang “may kaayusan at mahinahong patnubay” ay ginagamit nang pakutya.

3. Ang “mapaboran” ay ginagamit upang tuyain ang mga taong parang blangko at walang kamalayan sa sarili.

4. Ang “nagdurusa ng sunod-sunod na kapahamakan” ay nagpapahiwatig na ang mga tao na ipinanganak sa lupain ng malaking pulang dragon ay hindi kayang magtaas ng kanilang ulo.

5. Ang “ibigay ang iyong buong buhay” ay ipinapakahulugan sa paraang mapanirang-puri.


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 209

Ang landas ng kasalukuyan ay hindi madaling lakaran. Maaaring sabihin na ito ay mahirap na kamtin, at labis na pambihira sa lahat ng mga kapanahunan. Gayumpaman, sinong makakaisip na ang laman ng tao lamang ay sapat na upang wasakin siya? Ang gawain ngayon ay tiyak na kasinghalaga ng ulan sa tagsibol, at kasinghalaga ng kabaitan ng Diyos sa tao. Gayumpaman, kung hindi nalalaman ng tao ang layunin ng Kanyang kasalukuyang gawain o nauunawaan ang diwa ng sangkatauhan, paano maaaring pag-usapan ang kahalagahan at pagiging mamahalin nito? Ang laman ay hindi nabibilang sa mga tao mismo, kaya walang nakakakita nang malinaw kung saan ang aktuwal na magiging hantungan nila. Gayumpaman, dapat mong malamang mabuti na ibabalik ng Lumikha ang sangkatauhan, na nilikha, sa kanilang orihinal na katayuan, at panunumbalikin ang kanilang orihinal na larawan mula sa panahon ng kanilang paglikha. Ganap Niyang kukuning muli ang hininga na Kanyang inihinga sa tao, aangkining muli ang kanyang mga buto at laman at isasauli ang lahat sa Lumikha. Ganap Niyang papagbaguhing-anyo at papanibaguhin ang sangkatauhan at kukuning muli mula sa tao ang buong pamana ng Diyos na hindi sa sangkatauhan, kundi pag-aari ng Diyos, at hindi na kailanman muling ibibigay ito sa sangkatauhan. Ito ay dahil wala sa alinman sa mga bagay na iyon ay orihinal na pag-aari ng sangkatauhan. Babawiin Niyang lahat ang mga ito—hindi ito isang di-makatarungang pandarambong; bagkus, ito ay naglalayon na panumbalikin ang langit at lupa sa kanilang orihinal na mga kalagayan, gayundin ay papagbaguhing-anyo at panibaguhin ang tao. Ito ang makatwirang hantungan ng tao, bagama’t marahil hindi ito magiging isang muling-paglalaan ng laman pagkatapos na ito ay nakastigo, gaya ng maaaring iniisip ng mga tao. Hindi nais ng Diyos ang mga kalansay ng laman pagkatapos ng pagkasira nito; nais Niya ang orihinal na mga elemento sa tao na pag-aari ng Diyos sa pasimula. Kaya, hindi Niya pupuksain ang sangkatauhan o ganap na wawasakin ang laman ng tao, dahil ang laman ng tao ay hindi niya pribadong pag-aari. Sa halip, ito ay ang dagdag ng Diyos, na namamahala sa sangkatauhan. Paano Niya mapupuksa ang laman ng tao para sa Kanyang “kasiyahan”? Sa ngayon, talaga bang nabitawan mo na ang kabuuan ng laman mong iyan, na hindi man lamang nagkakahalaga ng isang sentimo? Kung nauunawaan mo ang tatlumpung porsiyento ng gawain ng mga huling araw (itong tatlumpung porsiyento lamang ay nangangahulugan ng pag-unawa ng gawain ng Banal na Espiritu ngayon pati na rin ang gawain ng salita na ginagawa ng Diyos sa mga huling araw), hindi ka patuloy na “maglilingkod” o “magiging anak” sa iyong laman—laman na nagawa nang tiwali sa loob ng maraming taon—kagaya ng sitwasyon ngayon. Dapat mong makita nang malinaw na ang mga tao ay nakasulong na ngayon sa isang hindi pa kailanman narating na kalagayan, at hindi na magpapatuloy na gumulong pasulong tulad ng mga gulong ng kasaysayan. Ang iyong inaamag na laman ay matagal nang napuno ng mga langaw, kaya paano ito magkakaroon ng kapangyarihan na baligtarin ang mga gulong ng kasaysayan na hinayaan ng Diyos na magpatuloy hanggang sa araw na ito? Paano nito magagawang patiktiking muli ang orasan ng mga huling araw na tahimik na tumitiktik, at patuloy na paikutin ang mga kamay nito nang pakanan? Paano nito muling mapagbabagong-anyo ang mundo na mukhang nalambungan ng makapal na hamog? Maaari bang muling pasiglahin ng iyong laman ang mga bundok at mga ilog? Kaya ba ng iyong laman, na kaunti lamang ang silbi, na talagang panumbaliking muli ang uri ng mundo ng tao na iyong ninanais? Kaya mo ba talagang turuan ang iyong mga inapo na maging “mga tao”? Nauunawaan mo na ba ngayon? Ano ang eksaktong kinabibilangan ng iyong laman? Ang orihinal na intensyon ng Diyos para iligtas ang tao, para gawing perpekto ang tao, at para baguhing-anyo ang tao ay hindi upang bigyan ka ng magandang lupang tinubuan o maghatid ng mapayapang kapahingahan sa laman ng tao; ito ay alang-alang sa Kanyang kaluwalhatian at Kanyang patotoo, para sa mas mabuting kasiyahan ng sangkatauhan sa hinaharap, at upang sila ay makapagpahinga sa lalong madaling panahon. Hindi rin ito para sa iyong laman, dahil ang tao ang puhunan ng pamamahala ng Diyos, at ang laman ng tao ay dagdag lamang. (Ang tao ay isang nilalang na may kapwa espiritu at katawan, samantalang ang laman ay isa lamang bagay na nabubulok. Ito ay nangangahulugan na ang laman ay isang kasangkapan para gamitin sa plano ng pamamahala.) Dapat mong malaman na ang paggawang perpekto, paggawang ganap, at pagkakamit ng Diyos sa tao ay walang inihahatid kundi mga espada at paghampas sa laman nito, gayundin ang walang katapusang pagdurusa, ang paglalagablab ng apoy, walang-habag na paghatol, pagkastigo, at mga sumpa, at walang hangganang mga pagsubok. Gayon ang tunay na kuwento at katotohanan ng gawain ng pamamahala sa tao. Gayumpaman, nakatutok ang lahat ng bagay na ito sa laman ng tao, at lahat ng pana ng pagkamapanlaban ay walang-awang nakatutok sa laman ng tao (dahil ang tao ay inosente). Ang lahat ng ito ay para sa kapakanan ng Kanyang kaluwalhatian at patotoo, at para sa Kanyang pamamahala. Ito ay dahil ang Kanyang gawain ay hindi lamang para sa kapakanan ng sangkatauhan, kundi para din sa buong plano, gayundin ay upang tuparin ang Kanyang orihinal na layunin nang nilikha Niya ang sangkatauhan. Kaya, marahil siyamnapung porsiyento ng dinaranas ng tao ay pagdurusa at mga pagsubok ng apoy, at napakakaunti, o baka wala pa nga, ng matatamis at masasayang araw na inaasam ng laman ng tao. Lalo nang hindi nakapagtatamasa ang tao ng masasayang sandali sa laman, gumugugol ng magagandang panahon sa piling ng Diyos. Ang laman ay marumi, kaya ang nakikita o tinatamasa ng laman ng tao ay walang iba kundi ang pagkastigo ng Diyos na para sa tao ay walang pagsasaalang-alang, na para bang kulang ito sa normal na katwiran. Ito ay dahil ihahayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon, na “walang pagsasaalang-alang sa tao”, hindi kumukunsinti sa mga pagkakasala ng tao, at namumuhi sa mga kaaway. Lantarang inihahayag ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon sa pamamagitan ng anumang paraan na kailangan, sa gayong paraan ay tinatapos ang gawain ng Kanyang anim na libong taong pakikipaglaban kay Satanas—ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan at ang pagwasak sa sinaunang Satanas!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Layunin ng Pamamahala sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 210

Sumapit na ang mga huling araw at nagkakagulo ang mga bansa sa buong mundo. May kaguluhan sa pulitika, may mga taggutom, salot, baha, at tagtuyot na naglilitawan sa lahat ng dako. May mga sakuna sa mundo ng tao; nagpadala na rin ng mga kalamidad ang Langit. Ito ay mga palatandaan ng mga huling araw. Ngunit para sa mga tao, tila isang mundo ito ng saya at karingalan. Ang mundo ay lalong nagiging magarbo at kaakit-akit, naaakit dito ang puso ng lahat ng tao, at maraming tao ang nabibitag at hindi mapalaya ang kanilang sarili mula rito; napakaraming malilihis ng mga nakikibahagi sa pandaraya at salamangka. Kung hindi ka magpupunyaging umunlad, walang mga adhikain, at hindi ka nakaugat sa tunay na daan, matatangay ka ng alon ng kasamaan. Ang Tsina ang pinakapaurong sa lahat ng bansa; ito ang lupain kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, narito ang pinakamaraming taong sumasamba sa mga diyos-diyosan at nakikibahagi sa salamangka, may pinakamaraming templo, at ito ang lugar kung saan naninirahan ang maruruming espiritu. Isinilang ka nito, tinuruan nito at nakalubog sa impluwensiya nito; nagawa ka nitong tiwali at pinahirapan nito, ngunit nang magising ka ay naghimagsik ka laban dito at lubos kang nakamit ng Diyos. Ito ang kaluwalhatian ng Diyos, at ito ang dahilan kaya ang yugtong ito ng gawain ay may malaking kabuluhan. Nakagawa ang Diyos ng napakalawak na gawain, nakasambit ng napakaraming salita, at sa huli ay lubos Niya kayong makakamit—ito ay isang bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at kayo ang “mga samsam ng tagumpay” ng pakikibaka ng Diyos kay Satanas. Habang lalo ninyong nauunawaan ang katotohanan at napapabuti ang inyong buhay sa iglesia, lalong napapanikluhod ang malaking pulang dragon. Lahat ng ito ay mga bagay ng espirituwal na mundo—ito ang mga pakikibaka ng espirituwal na mundo, at kapag nagtagumpay ang Diyos, mapapahiya at babagsak si Satanas. Ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay may napakalaking kabuluhan. Gumagawa ang Diyos nang gayon kalawak at lubos na inililigtas ang grupong ito ng mga tao upang makatakas ka mula sa impluwensiya ni Satanas, manirahan sa bayang banal, mamuhay sa liwanag ng Diyos, at mapamunuan at mapatnubayan ng liwanag. Kung gayon ay may kahulugan ang iyong buhay. Ang inyong kinakain at isinusuot ay kaiba sa mga walang pananampalataya; tinatamasa ninyo ang mga salita ng Diyos at nabubuhay nang makahulugan—at ano ang kanilang tinatamasa? Tinatamasa lamang nila ang “pamana ng kanilang mga ninuno” at ang kanilang “diwa ng bansa.” Wala sila ni katiting na bakas ng pagkatao! Lahat ng inyong kasuotan at ayos, salita, at kilos ay naiiba sa kanila. Sa bandang huli, lubos ninyong matatakasan ang karumihan, hindi na kayo mabibitag sa tukso ni Satanas, at magtatamo kayo ng araw-araw na panustos ng Diyos. Dapat kayong maging maingat palagi. Bagama’t nabubuhay kayo sa isang maruming lugar, wala kayong bahid ng karumihan at maaaring mabuhay sa tabi ng Diyos, na tumatanggap ng Kanyang dakilang proteksyon. Hinirang kayo ng Diyos mula sa lahat ng tao sa dilaw na lupaing ito. Hindi ba kayo ang pinakamapalad na mga tao? Isa kang nilikha—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at hangaring mamuhay nang makahulugan. Kung hindi mo sasambahin ang Diyos kundi mamumuhay ka sa loob ng iyong maruming laman, hindi ba isang hayop ka lamang na nakasuot ng damit ng tao? Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Sa mundong ito, isinusuot ng tao ang damit ng diyablo, kinakain ang pagkaing nagmumula sa diyablo, at gumagawa at naglilingkod sa ilalim ng mahigpit na kontrol ng diyablo, at nayuyurakan nito hanggang sa puntong nababalot na ng karumihan. Hindi niya naarok ang kahulugan ng buhay o nakamit ang tunay na daan—ano ang kabuluhan sa pamumuhay nang ganito? Kayo ay mga taong naghahangad sa tamang landas at naghahanap ng pag-unlad. Kayo ay tumitindig sa bansa ng malaking pulang dragon, at kayo ang mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (2)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 211

Ngayon, ang gawaing Aking ginagawa sa inyo ay para akayin kayo patungo sa isang buhay ng normal na pagkatao; ito ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan at pag-aakay sa sangkatauhan tungo sa buhay ng bagong kapanahunan. Ang bawat hakbang ng gawaing ito ay isinasakatuparan at nabubuo sa inyo, nang direkta: Tinuturuan Ko kayo nang harapan, at hinahawakan Ko kayo sa kamay; sinasabi Ko sa inyo ang anumang hindi ninyo nauunawaan, ipinagkakaloob sa inyo ang anumang wala kayo. Masasabi na, para sa inyo, ang lahat ng gawaing ito ay panustos para sa inyong buhay, ginagabayan din kayo tungo sa isang buhay ng normal na pagkatao; ang layon nito sa partikular ay ang magtustos para sa buhay ng grupong ito ng mga tao sa mga huling araw. Para sa Akin, lahat ng gawaing ito ay para wakasan ang lumang kapanahunan at simulan ang isang bagong kapanahunan; patungkol kay Satanas, naging tao Ako para daigin ito mismo. Ang gawaing ginagawa Ko sa gitna ninyo ngayon ay ang inyong kasalukuyang panustos at ang inyong napapanahong kaligtasan, ngunit sa panahon nitong ilang maiikling taon, sasabihin Ko sa inyo ang lahat ng katotohanan, ang buong daan ng buhay, at maging ang gawain sa hinaharap; magiging sapat ito para bigyang-kakayahan kayo na maranasan nang normal ang mga bagay sa hinaharap. Ang lahat ng Aking salita ang tangi Kong panghihikayat sa inyo. Wala na Akong iba pang ipinapangaral; ngayon, lahat ng salitang sinasambit Ko sa inyo ay siyang pangaral Ko sa inyo, dahil ngayon ay wala kayong karanasan sa marami sa mga salitang Aking sinasambit, at hindi nauunawaan ang mas napapaloob na kahulugan ng mga ito. Balang araw, mangyayari ang inyong mga karanasan tulad ng sinabi Ko ngayon. Ang mga salitang ito ay mga pangitain ninyo sa ngayon, at ang mga ito ay siya ninyong aasahan sa hinaharap; ang mga ito ay panustos para sa buhay ninyo ngayon at isang panghihikayat para sa hinaharap, at wala nang ibang pangaral na mas gagaling pa. Iyan ay dahil ang panahon na mayroon Ako para gumawa sa lupa ay hindi kasinghaba ng panahon na mayroon kayo para maranasan ang Aking mga salita; kinokompleto Ko lamang ang Aking gawain, samantalang kayo ay naghahabol sa buhay, isang proseso na kinapapalooban ng mahabang paglalakbay sa buhay. Matapos ninyong maranasan ang maraming bagay, saka lamang ninyo lubos na matatamo ang daan ng buhay; saka lamang ninyo maaaninag ang kahulugang nakapaloob sa mga salitang sinasambit Ko ngayon. Nasa mga kamay ninyong lahat ang Aking mga salita, natanggap na ng bawat isa sa inyo ang lahat ng Aking mga atas, at naiatas Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong iatas. Gaano man kaganda ang natamong epekto, sa kabuuan, kapag natapos na ang gawain ng mga salita, naisakatuparan na ang kalooban ng Diyos. Hindi ito gaya ng iniisip mo, na kailangan mong mabago hanggang sa isang partikular na antas; hindi kumikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro mo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 212

Sa mga huling araw, ang Diyos ay naging tao upang gawin ang gawain na kailangan Niyang gawin at upang gampanan ang Kanyang ministeryo ng mga salita. Personal Siyang pumarito upang gumawa sa gitna ng mga tao nang may mithiing gawing perpekto ang mga taong ayon sa mga layunin Niya. Mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, sa mga huling araw lamang Niya isinagawa ang ganitong klaseng gawain. Sa mga huling araw lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang gawin ang gayong kalawak na gawain. Bagama’t nagdurusa Siya ng mga paghihirap na mahihirapang tiisin ng mga tao, at bagama’t, sa kabila ng pagiging matayog na Diyos, nagpapakumbaba Siya para maging isang ordinaryong tao, hindi naantala ang Kanyang gawain kahit kaunti, at ang Kanyang plano ay hindi nagambala kahit kaunti—ginagawa Niya ang gawaing orihinal Niyang pinlano. Ang isa sa mga layunin ng pagkakatawang-taong ito ay para lupigin ang mga tao, ang isa pa ay para gawing perpekto ang mga taong Kanyang iniibig. Hinahangad Niyang makita ng Kanyang sariling mga mata ang mga taong Kanyang pineperpekto, at nais Niyang makita ng sarili Niyang mga mata na nagpapatotoo para sa Kanya ang mga taong Kanyang pineperpekto. Hindi isa o dalawang tao ang pineperpekto. Sa halip, isa itong grupo, na binubuo lamang ng kaunting tao. Ang mga tao sa grupong ito ay nagmumula sa iba’t ibang bansa sa mundo, at nagmumula sa iba’t ibang nasyonalidad ng mundo. Napakarami Niyang ginagawang gawain para makamit ang grupong ito ng mga tao, upang makamit ang patotoo ng grupong ito ng mga tao para sa Kanya, at para makamit ang kaluwalhatiang kaya Niyang makuha mula sa kanila. Hindi Siya gumagawa ng gawain na walang kabuluhan, ni hindi Siya gumagawa ng gawaing walang halaga. Masasabi na, sa paggawa ng napakaraming gawain, ang layon ng Diyos ay ang gawing perpekto ang lahat ng nais Niyang gawing perpekto. Sa anumang bakanteng oras Niya sa labas nito, ititiwalag Niya yaong masasama. Dapat ninyong malaman na hindi Niya ginagawa ang dakilang gawaing ito dahil sa yaong masasama; bagkus, ibinibigay Niya ang lahat Niya dahil sa kakaunting tao na Kanyang gagawing perpekto. Ang gawaing Kanyang ginagawa, ang mga salitang Kanyang sinasabi, ang mga misteryong Kanyang isinisiwalat, at ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay pawang para sa kapakanan ng napakakaunting tao na iyon. Hindi Siya naging tao dahil sa yaong masasama, at lalong hindi Siya nagpupuyos sa galit dahil sa kanila. Ang katotohanan ang sinasabi Niya, at nagsasalita tungkol sa pagpasok, dahil sa mga gagawing perpekto; Siya ay naging tao dahil sa kanila, at dahil sa kanila kaya Niya ipinagkakaloob ang Kanyang mga pangako at pagpapala. Hindi Siya nagsasalita ng katotohanan, nagsasalita tungkol sa pagpasok, at nagsasalita tungkol sa buhay ng pagkatao para sa kapakanan niyaong masasama. Nais Niyang iwasang kausapin yaong masasama, sa halip ay nais Niyang ipagkaloob ang lahat ng katotohanan sa mga yaon na gagawing perpekto. Subalit kinakailangan ng Kanyang gawain na, pansamantala, tulutan yaong masasama na magtamasa ng ilan sa Kanyang mga kayamanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, hindi nagpapalugod sa Diyos, at gumagambala sa Kanyang gawain ay pawang masasama. Hindi sila magagawang perpekto, at itinataboy sila ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan at nagpapalugod sa Diyos at gumugugol ng kanilang buong sarili para sa gawain ng Diyos ay ang mga taong gagawing perpekto ng Diyos. Yaong mga nais gawing ganap ng Diyos ay walang iba kundi ang grupong ito ng mga tao, at ang gawaing ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng mga taong ito. Ang katotohanang Kanyang sinasabi ay para sa mga taong handang isagawa ito. Hindi Siya nagsasalita sa mga taong hindi isinasagawa ang katotohanan. Ang pag-iibayo ng kabatiran at paglago ng pagkilatis na Kanyang sinasabi ay nakatuon sa mga taong kayang magsagawa ng katotohanan. Ang paggawang perpekto na sinasabi Niya ay nakatuon din sa mga taong ito. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakatuon sa mga taong handang magsagawa ng katotohanan. Ang mga bagay na kagaya ng pagkakaroon ng karunungan at pagkatao ay nakatuon sa mga taong handang isagawa ang katotohanan. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay nakaririnig ng maraming salita ng katotohanan, ngunit dahil likas na napakasama nila at hindi sila interesado sa katotohanan, ang nauunawaan lamang nila ay mga doktrina at salita at hungkag na mga teorya, na wala ni katiting na halaga para sa kanilang buhay pagpasok. Walang isa man sa kanila ang tapat sa Diyos; silang lahat ay mga taong nakikita ang Diyos ngunit hindi Siya makamit; lahat sila ay kinondena ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 213

Ang pangunahing layon ng gawain ng paglupig ay ang linisin ang mga tao upang matamo nila ang katotohanan, dahil kakatiting ang katotohanang nauunawaan ng mga tao! Ang paggawa ng gawain ng paglupig sa mga taong tulad nito ay may pinakamalalim na kabuluhan. Kayong lahat ay nahulog sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman at labis na napinsala. Ang layon ng gawaing ito, kung gayon, ay ang bigyang-kakayahan kayo na makilala ang kalikasan ng tao at sa pamamagitan niyon ay maisabuhay ang katotohanan. Ang magawang perpekto ay isang bagay na dapat tanggapin ng lahat ng nilikha. Kung ang gawain ng yugtong ito ay kinapapalooban lamang ng pagpeperpekto sa mga tao, kung gayon ay maaari itong magawa sa UK, o sa America, o sa Israel; maaari itong magawa sa mga tao ng anumang bansa. Ngunit ang gawain ng paglupig ay namimili. Ang unang hakbang ng gawain ng paglupig ay panandalian lamang; higit pa rito, ito ay gagamitin upang hiyain si Satanas at lupigin ang buong sansinukob. Ito ang panimulang gawain ng paglupig. Maaaring sabihin na ang sinumang nilikha na nananampalataya sa Diyos ay magagawang perpekto dahil ang magawang perpekto ay isang bagay na makakamit lamang pagkatapos ng mahabang-panahong pagbabago. Ngunit ang malupig ay iba. Ang uliran at huwaran para sa paglupig ay dapat ang mga taong pinakapaurong, na namumuhay sa pinakamalalim na kadiliman; sila dapat ang pinakahamak na tao, iyong mga pinakahindi kumikilala sa Diyos, at iyong mga pinakamapaghimagsik sa Diyos. Ito mismo ang uri ng tao na makakapagpatotoo tungkol sa pagkalupig. Ang pangunahing layon ng gawain ng paglupig ay ang talunin si Satanas, habang ang layon ng pagpeperpekto sa mga tao ay ang makamit ang mga tao. Isinagawa rito ang gawain ng paglupig, sa mga taong katulad ninyo, upang bigyang-kakayahan ang mga tao na magkaroon ng patotoo pagkatapos na malupig. Ang layunin ay ang magpatotoo ang mga tao pagkatapos na malupig. Ang nalupig na mga taong ito ay gagamitin upang makamit ang layon na maipahiya si Satanas. Kaya, ano ang pangunahing paraan ng paglupig? Ang pagkastigo, paghatol, pagsumpa, at pagbubunyag—ang paggamit ng isang matuwid na disposisyon upang lupigin ang mga tao nang sa gayon ay lubusan silang makukumbinsi dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang gamitin ang realidad at awtoridad ng salita upang lupigin ang mga tao, upang lubusan silang makumbinsi—ito ang ibig sabihin ng malupig. Iyong mga nagawa nang perpekto ay hindi lamang kayang makamit ang pagpapasakop pagkatapos na malupig, kundi nakakaya rin nilang magkaroon ng kaalaman sa gawain ng paghatol, baguhin ang kanilang disposisyon, at makilala ang Diyos. Nararanasan nila ang landas ng pagmamahal sa Diyos, at napupuspos sila ng katotohanan. Nagagawa nilang maranasan ang gawain ng Diyos, nagagawa nilang magdusa para sa Diyos, at mayroon silang sarili nilang determinasyon. Ang mga nagawa nang perpekto ay iyong mga mayroong praktikal na pagkaunawa sa katotohanan dahil naranasan na nila ang salita ng Diyos. Ang mga nalupig ay iyong mga nakakaalam ng katotohanan ngunit hindi pa naarok ang tunay na kahulugan ng katotohanan. Pagkatapos malupig, sila ay nagpapasakop, ngunit ang lahat ng kanilang pagpapasakop ay bunga ng paghatol na kanilang tinanggap. Sila ay lubos na walang pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng maraming katotohanan. Kinikilala nila ang katotohanan sa kanilang pagsasalita, ngunit wala silang pagpasok sa katotohanan; nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi pa nila nararanasan ang katotohanan. Ang gawaing isinasagawa sa mga pineperpekto ay kinapapalooban ng mga pagkastigo at mga paghatol, pati na rin ng pagkakaloob ng buhay. Ang isang tao na nakatuon sa pagpasok sa katotohanan ay isang tao na gagawing perpekto. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga nagawang perpekto at ng mga nalupig ay nakasalalay sa kung mayroon ba silang pagpasok sa katotohanan. Iyong mga nagawang perpekto ay iyong mga nakakaunawa sa katotohanan, pumapasok sa katotohanan, at isinasabuhay ang katotohanan; ang mga taong hindi magagawang perpekto ay iyong mga hindi nakakaunawa sa katotohanan at hindi pumapasok sa katotohanan, na ibig sabihin, iyong mga hindi isinasabuhay ang katotohanan. Kung nakakaya na ngayon ng mga taong tulad nito na ganap na magpasakop, kung gayon sila ay nalupig. Kung ang mga nalupig ay hindi naghahanap sa katotohanan—kung sumusunod sila ngunit hindi nila isinasabuhay ang katotohanan, kung nakikita at naririnig nila ang katotohanan ngunit hindi nila pinagtutuunan ang pagsasabuhay sa katotohanan—kung gayon ay hindi sila magagawang perpekto. Ang mga taong gagawing perpekto ay nagsasagawa ng katotohanan ayon sa mga hinihingi ng Diyos sa landas ng pagpeperpekto. Sa pamamagitan nito, tinutugunan nila ang mga layunin ng Diyos, at sila ay nagagawang perpekto. Sinumang sumusunod hanggang sa wakas bago matapos ang gawain ng paglupig ay isang nalupig, ngunit hindi masasabing siya ay nagawang perpekto. “Ang mga nagawang perpekto” ay tumutukoy sa mga taong kayang hangarin ang katotohanan at na kakamtin ng Diyos pagkatapos ng gawain ng paglupig. Tumutukoy ito sa mga taong tumatayong matatag sa kapighatian at isinasabuhay ang katotohanan makalipas ang pagtatapos ng gawain ng paglupig. Ang pagkakaiba ng pagkalupig mula sa pagiging nagawang perpekto ay mga kaibahan sa mga hakbang ng paggawa at mga pagkakaiba sa antas ng pagkaunawa at pagpasok ng mga tao sa katotohanan. Ang lahat ng hindi tumahak sa landas ng pagpeperpekto, na ibig sabihin ay iyong mga hindi nagtataglay ng katotohanan, ay ititiwalag pa rin sa kahuli-hulihan. Iyon lamang mga nagtataglay ng katotohanan at nagsasabuhay ng katotohanan ang maaaring ganap na makamit ng Diyos. Ibig sabihin, iyong mga nagsasabuhay ng wangis ni Pedro ang mga nagawang perpekto, samantalang ang lahat ng iba pa ay mga nalupig. Ang gawaing isinasagawa sa lahat ng nilulupig ay binubuo ng pagsumpa, pagkastigo, at poot, at ang sumasapit sa kanila ay katuwiran at mga sumpa. Ang paggawa sa gayong tao ay ang maglantad nang wala ni katiting na kaluwagan—ang ilantad ang mga tiwaling disposisyon sa kalooban nila nang sa gayon ay makilala nila mismo ang mga ito at lubusan silang makumbinsi. Sa sandaling ang tao ay maging ganap na mapagpasakop, ang gawain ng paglupig ay nagtatapos. Kahit pa ang karamihan sa mga tao ay hindi pa rin naghahangad na maunawaan ang katotohanan, ang gawain ng paglupig ay natapos na.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 214

Paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao? Ano ang disposisyon ng Diyos? At ano ang napapaloob sa Kanyang disposisyon? Kung may kayang magpaliwanag nang malinaw sa lahat ng bagay na ito, ito ay pagpoproklama sa pangalan ng Diyos, ito ay pagpapatotoo sa Diyos, at ito ay pagdadakila sa Diyos. Ang tao, batay sa pundasyon ng pagkilala sa Diyos, sa huli ay nagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay. Kapag mas nagdaraan sa pagpupungos at pagpipino ang tao, mas sumisigla siya; kapag mas marami ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, mas nagagawang perpekto ang tao. Ngayon, sa karanasan ng tao, bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay ganti sa kanyang mga kuru-kuro, at lahat ay lampas sa pag-iisip ng tao at hindi niya inaasahan. Inilalaan ng Diyos ang lahat ng pangangailangan ng tao, at sa bawat aspeto ay hindi ito umaayon sa kanyang mga kuru-kuro. Binibigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita sa oras ng iyong kahinaan; sa ganitong paraan lamang Niya matutustusan ang iyong buhay. Sa pagganti sa iyong mga kuru-kuro, pinatatanggap Niya sa iyo ang pagpupungos ng Diyos; sa ganitong paraan mo lamang maiwawaksi ang iyong katiwalian. Ngayon, gumagawa ang Diyos na nagkatawang-tao sa katayuan ng pagka-Diyos sa isang aspeto, ngunit sa isa pang aspeto ay gumagawa Siya sa katayuan ng normal na pagkatao. Kapag hindi mo na tinatanggihan ang anumang gawain ng Diyos, kapag nagagawa mong magpasakop anuman ang sinasabi o ginagawa ng Diyos sa katayuan ng normal na pagkatao, kapag nagagawa mong magpasakop at umunawa anumang klase ng normalidad ang Kanyang ipinapakita, at kapag nagtamo ka na ng praktikal na karanasan, saka ka lamang makatitiyak na Siya ang Diyos, saka ka lamang titigil sa pagbubuo ng mga kuru-kuro, at saka ka lamang makakasunod sa Kanya hanggang wakas. May karunungan sa gawain ng Diyos, at alam Niya kung paanong kayang manindigan ang tao sa pagpapatotoo sa Kanya. Alam Niya kung nasaan ang malaking kahinaan ng tao, at ang mga salitang Kanyang sinasambit ay maaari kang patamaan sa iyong malaking kahinaan, ngunit ginagamit din Niya ang Kanyang marilag at matalinong mga salita upang ikaw ay manindigan sa pagpapatotoo sa Kanya. Ganyan ang mahimalang mga gawa ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi maiisip ng katalinuhan ng tao. Kung anong klaseng katiwalian ang taglay ng tao, na may laman, at ano ang bumubuo sa diwa ng tao—lahat ng ito ay inilalantad sa pamamagitan ng paghatol ng Diyos, na iniiwan ang tao na walang mapagtaguan dahil sa kanyang kahihiyan.

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nalalabag, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 215

Gunitain ninyo ang eksena sa Bibliya nang wasakin ng Diyos ang Sodoma at isipin din ninyo kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain ninyo kung paano nagsisi at nagtapat ng kanilang mga kasalanan ang mga tao ng Ninive na suot ang tela ng sako at nang may abo. Gunitain ninyo kung ano ang kinalabasan ng mga Hudyo matapos nilang ipako si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan—sila ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas papunta sa mga bansa sa buong mundo, marami ang pinatay, at ang buong bayan ng mga Hudyo ay sumailalim sa wala pang katulad na pasakit ng pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa sila ng isang karumal-dumal na kasalanan—at ginalit nila ang disposisyon ng Diyos. Kailangan nilang pagbayaran ang kanilang ginawa at pasanin ang lahat ng kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Kinondena nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, at kaya naman iisa lamang ang kanilang naging kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at sakuna na idinulot ng kanilang mga pinuno sa kanilang bansa at bayan.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pinakatipikal na halimbawa ng mga diktadurya: ang Tsina, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang pangkat ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong ito, tinutugis Siya ng namumunong partido ng Tsina gamit ang lahat ng paraan at sumailalim Siya sa lahat ng uri ng pagdurusa, nang walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, at nang walang masisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang nilalayong gawin: Sinasabi at binibigkas Niya ang Kanyang mga salita at ipinapalaganap Niya ang ebanghelyo. Walang tao ang makakaarok sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa Tsina, na isang bansang itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hanggang sa pinakasukdulang punto na maaari. Naniniwala tayong lahat na walang bansa o puwersa ang makakahadlang sa nilalayon ng Diyos na isakatuparan, at na iyong mga sumusubok na humadlang sa gawain ng Diyos, na lumalaban sa salita ng Diyos, at na nanggugulo at sumusubok na sirain ang plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Ang sinumang taong lumalaban sa gawain ng Diyos ay itatapon ng Diyos sa impiyerno; ang anumang bayan na lumalaban sa gawain ng Diyos ay wawasakin ng Diyos; ang anumang bayan na tumitindig upang tutulan ang gawain ng Diyos ay buburahin ng Diyos sa daigdig na ito at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bayan at ng lahat ng bansa, at maging ng lahat ng industriya na lumapit at makinig sa tinig ng Diyos, lumapit at pagmasdan ang gawain ng Diyos, at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, at sa gayon ay gawin ang Diyos na pinakabanal, pinakadinadakila, pinakamataas, at ang tanging pinag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at upang bigyang-daan ang buong sangkatauhan na mamuhay sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos, tulad lamang ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad lamang nina Adan at Eba, na nilikha ng Diyos sa simula, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang makapipigil sa Kanya, at walang sinuman ang makapagpapahinto sa Kanyang pagsulong. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang makasusunod sa Kanyang mga yapak at makatatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga hindi naman ay sasailalim sa napakalaking sakuna at karapat-dapat na kaparusahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 216

Sa paglikha ng mundo, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kapaligiran ng pamumuhay. Ito ang simula ng pamamahala ng Diyos.

Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa kautusan, sumamba rin sila sa mga diyos-diyosan at gumawa ng masasamang gawa. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit kumapit pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …

Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang tahimik na nililisan ang isang lugar at marahang isinasagawa ang bagong gawaing sinisimulan Niya sa ibang lugar. Tila isa itong kuwentong barbero para sa mga tao, mga taong naging manhid. Palagi nang pinahahalagahan ng mga tao ang luma nang higit sa lahat at itinuring ang bago at di-pamilyar na mga bagay bilang kaaway o nakita ang mga ito bilang abala. Kaya nga, anumang bagong gawain ang ginagawa ng Diyos, mula simula hanggang wakas, ang tao ang huli, sa lahat ng bagay, na nakakaalam nito.

Gaya ng palaging nangyayari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: ang pagkakaroon ng katawan—ang magkatawang-tao bilang tao sa loob ng sampu o dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Subalit walang eksepsyon, walang nakaalam dito, at iilang tao lamang ang kumilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao matapos ipako sa krus at mabuhay muli ang Panginoong Jesus. … Sa sandaling makompleto ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos—pagkaraan ng pagpapako sa krus—naisakatuparan ang gawain ng Diyos na bawiin ang tao mula sa kasalanan (ibig sabihin, bawiin ang tao mula sa mga kamay ni Satanas). Kaya nga, mula sa sandaling iyon, kinailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at mapapatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sa turing, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na isang hadlang sa pagtatamo niya ng kaligtasan at pagharap sa Diyos, at hindi na batayan ng pag-akusa ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng praktikal na gawain, naging wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, at tinubos at iniligtas sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos—ang wangis nitong makasalanang laman. Kaya nga, matapos mabihag ni Satanas, nakalapit nang isang hakbang ang tao palapit sa pagtanggap ng Kanyang pagliligtas sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay ang pamamahala ng Diyos na mas malalim at mas maunlad kaysa sa pamamahala ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan.

Ganito ang pamamahala ng Diyos: ipinapasa Niya ang sangkatauhan kay Satanas—isang sangkatauhang sadyang hindi nakakaalam kung ano ang Diyos, kung ano ang Lumikha, kung paano sambahin ang Diyos, o kung bakit nila kailangang magpasakop sa Diyos—at tinutulutan si Satanas na gawin silang tiwali ayon sa gusto nito; nang hakbang-hakbang, pagkatapos ay binabawi Niya sila mula sa mga kamay ni Satanas, hanggang sa lubos nilang sambahin ang Diyos at tanggihan si Satanas. Ito ang pamamahala ng Diyos. Maaaring para itong isang kuwentong kathang-isip, at maaaring tila nakakalito ito. Pakiramdam ng mga tao ay para itong isang kuwentong kathang-isip dahil wala silang kamalay-malay kung gaano na karami ang nangyari sa tao sa nakalipas na ilang libong taon, lalong hindi nila alam kung ilang kuwento na ang nangyari sa sansinukob at sa kalangitan. At higit pa riyan, ito ay dahil sadyang hindi makita ng kanilang mga mortal na mata ang mas kahanga-hanga at mas nakakatakot na mundong umiiral sa kabila ng materyal na mundo. Parang mahirap itong maunawaan para sa kanila dahil hindi nila nauunawaan ang kabuluhan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan o ang kabuluhan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at hindi nauunawaan kung anong uri ng sangkatauhan ang aktuwal na ninanais ng Diyos. Ito ba ay ang uri ng sangkatauhan na lubos na hindi natiwali ni Satanas, na kagaya nina Adan at Eba? Hindi! Ang layon ng pamamahala ng Diyos ay para makamit ang isang grupo ng mga tao na sumasamba sa Diyos at nagpapasakop sa Kanya. Bagama’t nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga taong ito, hindi na nila itinuturing si Satanas bilang kanilang ama; sa halip, nakikilala nila ang pangit na mukha ni Satanas at tinatanggihan ito, at humaharap sila sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Nalalaman nila ang pagkakaiba sa pagitan ng pangit at ng banal, at kinikilala nila ang kadakilaan ng Diyos at ang kasamaan ni Satanas. Ang isang sangkatauhang tulad nito ay hindi na magseserbisyo kay Satanas, o sasamba kay Satanas, o maglalagay kay Satanas sa altar. Ito ay dahil sila ay isang grupo ng mga tao na tunay nang nakamit ng Diyos. Ito ang kabuluhan ng gawain ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Sa panahon ng gawain ng pamamahala na ito, ang sangkatauhan ang pakay ng pagtitiwali ni Satanas, at kasabay nito, ang sangkatauhan ang pakay ng pagliligtas ng Diyos, at ang produktong pinag-aagawan ng Diyos at ni Satanas. Habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, hakbang-hakbang Niyang binabawi ang tao mula sa mga kamay ni Satanas, kaya nga ang tao ay lalo pang napapalapit sa Diyos …

At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain, subalit ito rin ang pinakamahirap para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nabubunyag ang mukha ng Diyos sa tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, opisyal na bumabalik ang tao sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon na ang oras para sa kasiyahan, subalit isinasailalim siya sa isang harap-harapang paghampas ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman: Lumalabas na ito ay isang pagbibinyag na kailangang “tamasahin” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng gayong pagtrato, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang huminto at isipin sa kanilang sarili, “Ako ang tupang nawala nang maraming taon na labis na pinaggugulan ng Diyos upang matubos, kaya bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Ito ba ang paraan ng Diyos para pagtawanan ako at ibunyag ako? …” Matapos ang maraming taon ng mga karanasan, sumasailalim sa pagdurusa ng pagpipino at pagkastigo, ang tao ay napanday na ng panahon. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “romansa” ng mga nakaraang panahon, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng sariling asal, at naunawaan na niya ang mga masidhing layunin na mayroon ang Diyos sa loob ng napakaraming taon para iligtas ang sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan, kung gaano siya kahirap mapaamo, lahat ng maling pagkaunawa niya tungkol sa Diyos, at ang mga labis-labis na kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang oras. Ang mga nakaraang kaganapan ay nagiging mga alaalang pinagsisisihan ng tao, at ang mga salita at mainit na pagmamahal ng Diyos ay nagiging lakas na nagpapasulong sa bagong buhay ng tao. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, lumalakas ang katawan niya, at tumatayo siya at nakikita niya ang mukha ng Makapangyarihan sa lahat… Lumalabas na palagi Siyang nasa tabi ko, sinusubaybayan ako. Ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay sobra pa ring nakakaantig. May labis na malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhang Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa panahon ng Halamanan ng Eden, subalit sa ngayon ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na nagtatago mula sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa pagsamba sa harap ng Diyos, humaharap sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalay ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!

Ang pagmamahal at awa ng Diyos ay nanunuot sa bawat isang detalye ng Kanyang gawain ng pamamahala, at nauunawaan man o hindi ng mga tao ang masisidhing layunin ng Diyos, ginagawa Niya ang gawaing layon Niyang isakatuparan nang may hindi tumitigil na pagpupursigi. Gaano man nauunawaan ng mga tao ang pamamahala ng Diyos, maaaring maranasan ng lahat ang tulong at mga pakinabang na hatid ng gawain ng Diyos sa tao. Marahil, sa araw na ito, hindi mo pa nadama ang alinman sa pagmamahal o pagtustos ng buhay mula sa Diyos, ngunit hangga’t hindi mo iniiwan ang Diyos, at hindi mo isinusuko ang iyong determinasyong hangarin ang katotohanan, darating ang araw na magpapakita sa iyo ang nakangiting mukha ng Diyos. Sapagkat ang layunin ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para bawiin ang mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi para abandonahin ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at lumalaban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 217

Ang lahat ng tao ay kailangang maunawaan ang layunin ng Aking gawain sa daigdig, iyon ay, ang nilalayon Kong makamit sa huli at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito maging ganap. Kung, pagkaraang maglakad na kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa nakakaunawa kung tungkol saan ang Aking gawain, hindi ba walang kabuluhan ang paglalakad nilang kasama Ko? Kung sumusunod ang mga tao sa Akin, dapat alam nila ang Aking mga layunin. Gumagawa na Ako sa lupa sa loob ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito, ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman maraming proyekto ang nilalaman ng Aking gawain, ang layunin ng gawaing ito ay nananatiling hindi nagbabago; halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at higit na pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng bayan ng Hentil sa sandaling ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang nadismaya, patuloy pa rin Ako sa Aking gawain, ipinagpapatuloy ang gawain na nararapat Kong gawin upang hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katunayang ang tao ay puno na sa Aking sinasabi, at wala siyang pagnanais na magbigay-pansin sa Aking gawain, isinasakatuparan Ko pa rin ang gawaing nararapat Kong gawin, sapagkat ang layunin ng Aking gawain ay nananatiling hindi nagbabago, at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang layon ng Aking paghatol ay ang bigyang-kakayahan ang tao na mas mahusay na makapagpasakop sa Akin, at ang layon ng Aking pagkastigo ay ang bigyang-kakayahan ang tao na mas mainam na makapagkamit ng pagbabago. Bagama’t ang lahat ng Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang gawain na walang pakinabang sa tao, dahil nilalayon Kong gawin ang lahat ng bansa sa labas ng Israel na kasingmapagpasakop ng mga Israelita, gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon ay maaari Akong magkaroon ng posisyon sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang Aking gawain sa gitna ng mga bayan ng Hentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa Aking pamamahala, sapagkat hindi sila nababahala sa gayong mga bagay, at sa halip ay inaalala nila ang kanilang sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, nananatiling walang malasakit ang mga tao sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay buong-puso silang nakatuon sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapalalaganap ang Aking gawain? Paano maipapangaral ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman na kapag ang Aking gawain ay lumaganap, ikakalat Ko kayo, at hahampasin Ko kayo, gaya ng paghampas ni Jehova sa bawat tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang lumaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, para ang Aking gawain ay lumaganap sa mga bayan ng Hentil, nang sa gayon ay magbibigay-daan sa Aking pangalan na madakila sa gitna ng kapwa matatanda at mga bata, at mapuri ang Aking banal na pangalan sa bibig ng mga tao mula sa lahat ng lahi at bansa. Sa huling kapanahunang ito, hayaan ang Aking pangalan na madakila sa gitna ng mga bayan ng Hentil, hayaan ang mga gawa Ko na makita ng mga tao ng mga bayan ng Hentil, hayaan silang tawagin Akong ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at hayaan ang Aking mga salita na matupad sa lalong madaling panahon. Ipaaalam Ko sa lahat ng tao na hindi lamang Ako Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng mga tao ng lahat ng bayan ng Hentil, kahit na iyong mga bayan na Aking isinumpa. Ipapakita Ko sa lahat ng tao na Ako ang Diyos ng lahat ng nilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawain, ang layunin ng Aking plano ng gawain para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na nilalayon Kong isakatuparan sa mga huling araw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 218

Ang gawain na Akin nang pinamamahalaan nang libu-libong taon ay ganap na naipapamalas sa tao sa mga huling araw lamang. Ngayon Ko lamang nailantad sa tao ang buong misteryo ng Aking pamamahala, at batid na ng tao ang layunin ng Aking gawain at, bukod dito, ay nakaunawa na sa lahat ng Aking mga misteryo. Nasabi Ko na sa tao ang lahat ng tungkol sa hantungan na kanyang inaalala. Nabuksan Ko na para sa tao ang lahat ng Aking mga misteryo, mga misteryo na nakatago nang mahigit 5,900 taon. Sino si Jehova? Sino ang Mesiyas? Sino si Jesus? Dapat ninyong malaman ang lahat ng ito. Ang mga pangalang ito ang mga punto ng pagbabago ng Aking gawain. Naunawaan na ba ninyo iyan? Paano dapat iproklama ang Aking banal na pangalan? Paano dapat maipangaral ang Aking pangalan sa alinman sa mga bayan na tumawag sa Akin sa alinman sa Aking mga pangalan? Ang Aking gawain ay naipapalaganap, at Aking papalaganapin ang lahat ng ito sa bawat isang bayan. Dahil ang Aking gawain ay nagawa na sa inyo, hahampasin Ko kayo gaya ng paghampas ni Jehova sa mga pastol sa sambahayan ni David sa Israel, na magsasanhi sa inyong kumalat sa bawat bayan. Dahil sa mga huling araw, dudurugin Ko ang bawat bansa sa maliliit na piraso at idudulot na maipamahagi muli sa mga tribo at bayan ang mga tao roon. Sa muli Kong pagbabalik, ang lahat ng bansa ay nahati na ayon sa mga hangganang itinakda ng Aking nagliliyab na apoy. Sa panahong iyon, magpapakita Akong muli sa sangkatauhan bilang ang nakakapasong araw, at ipapakita ang Aking Sarili nang lantaran sa kanila sa wangis ng Banal na hindi pa nila nakita kailanman, naglalakad sa gitna ng di-mabilang na mga bayan, gaya ng minsang paglakad Ko, si Jehova, sa gitna ng iba’t ibang tribong Hudyo. Simula niyon, pangungunahan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa daigdig, at tiyak na makikita nila na ang Aking kaluwalhatian ay nasa itaas nila, at na ang isang haliging ulap sa himpapawid ay inaakay sila sa kanilang buhay, dahil magpapakita Ako sa mga banal na lugar. Makikita ng tao ang Aking araw ng katuwiran, at gayon din ang pagpapakita ng Aking kaluwalhatian. Iyon ang panahon kung kailan mamumuno Ako bilang Hari sa buong daigdig at dadalhin Ko ang maraming anak Ko sa kaluwalhatian. Magpapatirapa ang mga tao sa lahat ng dako ng daigdig, at ang Aking tabernakulo ay matatag na itatayo sa gitna ng sangkatauhan, itatayo sa ibabaw ng bato ng gawain Ko ngayon. Ang lahat ng tao ay maglilingkod din sa Akin sa templo. Ang altar, na balot ng marurumi at nakasusuklam na mga bagay, ay dudurugin at itatayo Kong muli. Ang mga bagong silang na tupa at guya ay ibubunton sa banal na altar na iyon. Gigibain Ko ang templo ng kasalukuyan at tiyak na magtatayo Ako ng bago. Ang templong nakatayo ngayon, na puno ng kasuklam-suklam na mga tao, ay guguho, at ang Aking itatayo ay mapupuno ng mga lingkod na deboto sa Akin. Muli silang tatayo at maglilingkod sa Akin alang-alang sa kaluwalhatian ng Aking templo. Tiyak na makikita ninyo ang araw kung kailan matatamo Ko ang dakilang kaluwalhatian, at pati na ang araw kung kailan Aking gigibain ang templo at magtatayo Ako ng bago. Tiyak na makikita rin ninyo ang araw ng pagdating ng Aking tabernakulo sa gitna ng sangkatauhan. Gaya ng pagwasak Ko sa templo, dadalhin Ko ang Aking tabernakulo sa gitna ng sangkatauhan, tulad ng pagmamasid nila sa Aking pagbaba. Pagkatapos Kong durugin ang bawat bansa, titipunin Ko silang muli, at mula roon ay itatayo ang Aking templo at itatatag ang Aking altar, at kaya naman ang lahat ng tao ay maaaring maghandog sa Akin ng mga alay, maglingkod sa Akin sa Aking templo, at ipakita ang kanilang debosyon sa gawaing ginagawa Ko sa mga bayan ng Hentil. Sila ay magiging katulad ng mga Israelita sa kasalukuyan, nakasuot ng mga damit ng pari at magagarang korona, nang may kaluwalhatian Ko, si Jehova, sa kalagitnaan nila, at Aking pagiging maharlika na kasama nila sa mga kalangitan sa itaas. Ganoon din ang Aking magiging gawain sa mga bayan ng Hentil. Tulad ng Aking gawain sa Israel, gayon din ang magiging gawain Ko sa mga bayan ng Hentil, sapagkat ipapalaganap Ko ang Aking gawain sa Israel at palalawakin ito sa mga bayan ng Hentil.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 219

Ngayon na ang panahon kung kailan ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain, at ang panahon kung kailan sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bayan ng Hentil. Higit pa riyan, ito ang panahon kung kailan ikinaklasipika Ko ang lahat ng nilikha, inilalagay ang bawat isa sa kanya-kanyang kaukulang kategorya, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas magkakamit ng mga resulta. Kung kaya, ang Aking hinihingi pa rin sa iyo ay ang ialay mo ang kabuuan ng iyong pagkatao sa lahat ng Aking gawain, at, higit pa rito, ang malinaw mong makilatis at makita nang may katumpakan ang lahat ng gawaing Aking isinagawa sa iyo, at gugulin ang lahat ng iyong lakas upang ang Aking gawain ay makapagkamit ng mas magagandang resulta. Ito ang dapat mong maunawaan. Tigilan ang pakikipagkompetensiya sa isa’t isa, ang paghahanap ng alternatibong plano, o ang paghahanap ng kaginhawahan para sa iyong laman, para maiwasan na maantala ang Aking gawain at mahadlangan ang iyong magandang kinabukasan. Ang paggawa ng gayon, sa halip na protektahan ka, ay maaari lamang magdulot sa iyo ng pagkawasak. Hindi ba’t kahangalan mo ito? Iyang pinagpapakasasahan mo ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang pasakit na iyong tinitiis ngayon ay ang mismong bagay na nagpoprotekta sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang maiwasang mabitag sa mga tukso kung saan mahihirapan kang makawala, at upang maiwasang mapunta sa makapal na hamog at hindi na muling mahanap ang araw kailanman. Kapag nahawi ang makapal na hamog, masusumpungan mo ang iyong sarili sa kalagitnaan ng paghatol ng dakilang araw. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay mapapalapit na sa sangkatauhan. Paano mo tatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakakapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinahahalagahan nang husto, bagkus ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin dito. Kapag bumaba na ang Aking araw sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan, o masusumpungan ang mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na panahon na ang nakalilipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagkat nawala na sa kanya ang ningning ng liwanag at nahulog na siya sa kadiliman. Ang inyong nakikita ngayon ay ang matalim na espada lamang ng Aking bibig; hindi pa ninyo nakikita ang tungkod sa Aking kamay o ang ningas na ipinansusunog Ko sa tao. Kaya kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensiya, at kaya nakikipaglaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, pinasusubalian ng dila ng tao iyong sinabi ng Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at hanggang ngayon ay patuloy na kumikilos bilang kaaway Ko, hindi pa rin natatakot kahit kaunti. Mayroon kayong dila at mga ngipin ng mga taong di-matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad ng sa ahas na tumukso kay Eba na magkasala. Iginigiit ninyo sa isa’t isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensiya para mag-agawan ng katayuan, kasikatan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, ngunit hindi ninyo nalalaman na palihim Kong pinagmamasdan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo pumasok sa saklaw ng Aking paningin, nasuri Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging nag-aasam na tumakas sa pagkakahawak ng Aking kamay at iwasan ang pagsisiyasat ng Aking mga mata, ngunit hindi Ako kailanman umiwas sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang iyon na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang pagiging hindi matuwid ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang pagiging mapaghimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nananatili sa harapan ng Aking hukumang-luklukan, at ang Aking paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagkat labis ang kanyang pagiging mapaghimagsik. Ang Aking gawain ay ang sunugin at dalisayin ang lahat ng salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensiya ng Aking Espiritu. Sa ganitong paraan,[a] kapag nilisan Ko na ang daigdig, mapapanatili pa rin ng mga tao ang kanilang katapatan sa Akin, at magagawa pa rin nilang kumilos tungo sa Aking gawain gaya ng paglilingkod sa Akin ng Aking mga banal na lingkod, na nagtutulot sa Aking gawain sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay ang Gawain Din ng Pagliligtas sa Tao

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “Sa ganitong paraan.”


Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 220

Nakita na ba ninyo kung anong gawain ang isasakatuparan ng Diyos sa pangkat na ito ng mga tao? Sinabi minsan ng Diyos, kahit na sa Milenyong Kaharian ay dapat pa ring sumunod ang mga tao sa mga pagbigkas Niya habang sumusulong, at sa hinaharap, ang mga pagbigkas ng Diyos ay tuwiran pa ring gagabay sa buhay ng tao sa mabuting lupain ng Canaan. Noong nasa ilang si Moises, tuwirang nagtagubilin at nakipag-usap sa kanya ang Diyos. Mula sa langit ay nagpadala ang Diyos ng pagkain, tubig, at mana upang tamasahin ng mga tao, at ngayon ay ganito pa rin: Ang Diyos ay ang Mismong nagpadala ng mga bagay na makakain at maiinom upang tamasahin ng mga tao, at Siya Mismo ang nagpadala ng mga sumpa upang kastiguhin ang mga tao. At sa gayon, bawat yugto ng Kanyang gawain ay personal na isinasakatuparan ng Diyos. Ngayon, hinahangad ng mga tao ang pangyayari ng mga katunayan, hinahangad nila na makakita ng mga tanda at mga kababalaghan, at posible na ang lahat ng ganoong mga tao ay aabandonahin, dahil lalong nagiging praktikal ang gawain ng Diyos. Walang nakaaalam na bumaba ang Diyos mula sa langit, lingid din sa kaalaman nila na nagpadala ang Diyos ng pagkain at mga toniko mula sa langit—subalit talagang umiiral ang Diyos, at ang nakagaganyak na tagpo ng Milenyong Kaharian na nailalarawan ng mga tao sa kanilang isipan ay ang personal din na pagbigkas ng Diyos. Katunayan ito, at ito lamang ang tinatawag na paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Tumutukoy sa katawang-tao ang paghahari sa lupa kasama ng Diyos. Hindi umiiral sa lupa ang hindi sa katawang-tao, at sa gayon ang lahat ng yaong mga tumutuon sa pagpunta sa ikatlong langit ay ginagawa ito nang walang kabuluhan. Isang araw, kapag nagbalik sa Diyos ang buong sansinukob, susunod sa mga pagbigkas Niya ang sentro ng gawain Niya sa sansinukob. Sa ibang dako, may ilang taong gagamit ng telepono, ang ilan ay sasakay sa eroplano, ang ilan ay sasakay sa bangka patawid sa dagat, at ang ilan ay gagamit ng mga laser upang makatanggap ng mga pagbigkas ng Diyos. Magiging puno ng paghanga at pananabik ang lahat. Mapapalapit silang lahat sa Diyos, at magtitipon-tipon tungo sa Diyos, at sasamba lahat sa Diyos. At ang lahat ng ito ay magiging mga gawa ng Diyos. Tandaan ito! Tiyak na hindi kailanman magsisimulang muli ang Diyos sa ibang dako. Isasakatuparan ng Diyos ang katunayang ito: Gagawin Niyang pumunta sa harapan Niya ang lahat ng tao sa sansinukob at sumamba sa Diyos sa lupa. Titigil ang gawain Niya sa ibang mga lugar, at mapipilitan ang mga tao na hanapin ang tunay na daan. Magiging katulad ito ni Jose: Lumapit ang lahat sa kanya para sa pagkain, at yumukod sa kanya, sapagkat mayroon siyang mga bagay na makakain. Upang matakasan ang sakuna ng taggutom, mapipilitan ang mga tao na hanapin ang tunay na daan. Magdurusa ng matinding taggutom ang buong mundo ng relihiyon, at tanging ang Diyos ng ngayon ang bukal ng buhay na tubig, na nagtataglay ng walang-hanggang umaagos na bukal na inilaan para sa pagtatamasa ng tao, at pupuntahan Siya ng mga tao at aasa sila sa Kanya. Iyon ang panahon kung kailan mabubunyag ang mga gawa ng Diyos at kung kailan magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos; pupunta para magbigay-pugay sa hindi kapansin-pansing “taong” ito ang lahat ng tao sa sansinukob. Hindi ba’t ito ang magiging araw na magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos? Isang araw, magpapadala ng mga telegrama ang mga matatandang pastor na naghahanap ng tubig mula sa bukal ng buhay na tubig. Matatanda na sila, subalit darating pa rin sila upang sumamba sa taong ito, na minaliit nila. Kikilalanin nila Siya sa mga bibig nila at mananampalataya sila sa Kanya sa puso nila—hindi ba’t isa itong tanda at isang kababalaghan? Ang araw na magagalak ang buong kaharian ay magiging araw na magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos, at kung sinuman ang darating sa inyo at tatanggap sa mabuting balita ng Diyos ay pagpapalain ng Diyos, at ang mga bansa at ang mga taong gumagawa nito ay pagpapalain at aalagaan ng Diyos. Magiging ganito ang direksiyon sa hinaharap: Yaong mga tumatanggap sa mga pagbigkas ng Diyos ay magkakaroon ng daan pasulong sa lupa, at sila man ay nasa larangan ng pagnenegosyo, siyentipikong pananaliksik, edukasyon, o industriya, magiging imposible para sa mga walang pagbigkas ng Diyos na gumawa ng kahit isang hakbang, at mapipilitan silang hanapin ang tunay na daan. Ito ang ibig sabihin ng, “Kasama ang katotohanan ay lalakarin mo ang buong mundo; nang walang katotohanan, wala kang mararating.” Ang mga ito ang mga katunayan. Ginagamit ng Diyos ang Daan (na nangangahulugang lahat ng mga salita Niya) upang kontrolin ang buong sansinukob at maging pinuno ng sangkatauhan at lupigin ito. Palaging umaasa ang mga tao sa malaking pagbabago sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Sa totoo lang, sa pamamagitan ng mga salita kinokontrol ng Diyos ang mga tao, at dapat mong gawin ang sinasabi Niya nais mo man o hindi; isa itong obhetibong katunayan, at kailangang tanggapin ng lahat, at kaya ito rin ay hindi mapipigilan, at alam ng lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 221

Lalaganap ang mga salita ng Diyos sa hindi mabilang na mga tahanan, magiging kilala sa lahat, at saka lamang lalaganap ang gawain Niya sa buong sansinukob. Na ang ibig sabihin, kung ang gawain ng Diyos ay lalaganap sa buong sansinukob, dapat ipalaganap ang mga salita Niya. Sa araw na magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos, ipakikita ng mga salita ng Diyos ang awtoridad at kapangyarihan ng mga ito. Maisasakatuparan at magaganap ang bawat isa sa mga salita Niya mula pa bago ang mga kapanahunan hanggang sa ngayon. Sa paraang ito, magkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos sa lupa—na ang ibig sabihin, hahawak ng kapangyarihan ang mga salita Niya sa lupa. Kakastiguhin ang lahat ng masamang tao bilang resulta ng mga salitang sinabi mula sa bibig ng Diyos, ang lahat ng matuwid ay pagpapalain bilang resulta ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya, at ang lahat ay itatatag at matutupad sa pamamagitan ng mga salitang sinabi mula sa bibig Niya. Hindi Siya magpapamalas ng anumang mga tanda o mga kababalaghan; lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng mga salita Niya, at magbubunga ng mga katunayan ang mga salita Niya. Ipoproklama at pupurihin ng lahat ng nasa lupa ang mga salita ng Diyos; maging mga nasa hustong gulang man sila o mga bata, lalaki, babae, matanda o kabataan, magpapasailalim sa mga salita ng Diyos ang lahat ng mga tao. Nagpapakita sa katawang-tao ang mga salita ng Diyos, at nagbibigay-daan din sa mga tao na makita ang mga ito sa lupa, masigla at buhay. Ito ang ibig sabihin ng magkatawang tao ang Salita. Dumating ang Diyos sa lupa, pangunahin, upang maisakatuparan ang katunayan ng “nagkatawang-tao ang Salita,” na ang ibig sabihin, dumating Siya upang ang mga salita Niya ay lumabas mula sa katawang-tao (hindi katulad ng panahon ni Moises sa Lumang Tipan, kung kailan tuwirang lumabas ang tinig ng Diyos mula sa himpapawid). Matapos iyon, matutupad ang lahat ng mga salita Niya sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, magiging mga katunayan ang mga ito na tambad sa harap ng mga mata ng mga tao, at pagmamasdan ang mga ito ng mga tao gamit ang sarili nilang mga mata nang walang kahit bahagyang agwat. Ito ang napakalaking kahalagahan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Na ang ibig sabihin, naisasakatuparan ang gawain ng Espiritu sa pamamagitan ng katawang-tao, at sa pamamagitan ng mga salita. Ito ang tunay na kahulugan ng “nagkatawang-tao ang Salita” at “ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao.” Tanging ang Diyos ang maaaring magsalita ng mga layunin ng Espiritu, at tanging ang Diyos sa katawang-tao ang maaaring magsalita sa ngalan ng Espiritu; ipinapamalas ang mga salita ng Diyos sa Diyos na nagkatawang-tao, at ang lahat ng iba ay ginagabayan ng mga iyon. Walang sinumang makakaiwas dito; umiiral silang lahat sa loob ng saklaw na ito. Tanging mula sa mga pagbigkas na ito maaaring maging may kamalayan ang mga tao; kung wala ang mga ito, nangangarap ang mga tao kung iniisip nilang maaari nilang makamit ang mga pagbigkas mula sa langit. Ganoon ang awtoridad na ipinakikita sa nagkatawang-taong laman ng Diyos, na nagdudulot sa lahat na paniwalaan ito nang may ganap na pagkakumbinsi. Kahit na ang pinakakagalang-galang na mga dalubhasa at mga relihiyosong pastor ay hindi kayang magsalita ng mga salitang ito. Dapat magpasailalim silang lahat sa mga ito, at walang makagagawa ng isa pang simula. Gagamitin ng Diyos ang mga salita upang lupigin ang sansinukob. Gagawin Niya ito hindi sa pamamagitan ng nagkatawang-taong laman Niya, kundi sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbigkas mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao upang lupigin ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob; tanging ito ang Daan na nagkatawang-tao, at tanging ito ang pagpapakita ng Salita sa katawang-tao. Marahil, sa mga tao, lumilitaw na parang hindi nakagawa ng anumang dakilang gawain ang Diyos—ngunit sa sandaling bigkasin ng Diyos ang mga salita Niya, lubusan silang makukumbinsi at matutulala. Nang walang mga katunayan, sumisigaw at humihiyaw ang mga tao; sa mga salita ng Diyos, nananahimik sila. Tiyak na maisasakatuparan ng Diyos ang katunayang ito, sapagkat ito ang matagal nang itinatag na plano ng Diyos: isinasakatuparan ang katunayan ng pagdating ng Salita sa lupa. Sa totoo lang, hindi Ko na kailangang idetalye ito—ang pagdating ng Milenyong Kaharian sa lupa ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos sa lupa. Ang pagbaba ng Bagong Jerusalem mula sa langit ay ang pagdating ng mga salita ng Diyos upang mamuhay sa gitna ng tao, upang samahan ang bawat kilos ng tao, ang bawat kaisipan at ideya niya. Isa rin itong katunayang isasakatuparan ng Diyos; ito ang kagandahan ng Milenyong Kaharian. Ito ang planong itinakda ng Diyos: Magpapakita ang mga salita Niya sa lupa nang isang libong taon, at ibubunyag ng mga ito ang lahat ng mga gawa Niya, at tatapusin ang lahat ng gawain Niya sa lupa, na pagkatapos nito ang yugtong ito ng sangkatauhan ay darating sa katapusan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumating Na ang Milenyong Kaharian

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 222

Kapag ang Sinim ay natupad sa lupa—kapag ang kaharian ay natupad—hindi na magkakaroon ng digmaan sa lupa; hindi na muling magkakaroon ng mga taggutom, salot, at lindol kailanman; ang mga tao ay hihinto sa paggawa ng mga sandata; lahat ay mamumuhay sa kapayapaan at katatagan; at magkakaroon ng mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga tao, at mga normal na pakikitungo sa pagitan ng mga bansa. Subalit hindi maikukumpara dito ang kasalukuyan. Lahat ng nasa silong ng kalangitan ay nagkakagulo, at nagsimulang unti-unting umusbong ang mga kudeta sa bawat bansa. Pagkatapos ng mga pagbigkas ng Diyos, ang mga tao ay unti-unting nagbabago, at, sa loob ng bawat bansa, dahan-dahan silang nagkakawatak-watak. Ang matitibay na pundasyon ng Babilonia ay nagsisimulang mayanig, gaya ng isang kastilyo sa buhangin, at, habang nagbabago ang mga layunin ng Diyos, nagaganap ang matitinding pagbabago nang hindi napapansin sa mundo, at lahat ng uri ng mga palatandaan ay lumilitaw anumang oras, ipinapakita sa mga tao na dumating na ang huling araw ng mundo! Ito ang plano ng Diyos; ito ang mga hakbang kung paano Siya gumagawa, at bawat bansa ay siguradong magkakawatak-watak. Ang dating Sodoma ay pupuksain sa ikalawang pagkakataon, at sa gayon ay sinasabi ng Diyos, “Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia!” Diyos lamang Mismo ang may kakayahang maunawaan ito nang lubusan; sa kabila ng lahat, may limitasyon ang kamalayan ng mga tao. Halimbawa, maaaring alam ng mga ministro ng mga panloob na usapin na ang kasalukuyang sitwasyon ay hindi matatag at magulo, ngunit wala silang kakayahang lutasin ang mga iyon. Maaari lamang silang magpatangay sa agos, na umaasa sa kanilang puso na darating ang araw na maitataas nila ang kanilang ulo, na darating ang araw na muling sisikat ang araw sa silangan, na nagniningning sa buong lupain at binabaligtad ang miserableng kalagayan ng mga usapin. Gayunman, hindi nila alam na kapag sumikat ang araw sa ikalawang pagkakataon, ang pagsikat nito ay hindi upang ipanumbalik ang dating kaayusan—isa itong muling pagsilakbo, isang lubos na pagbabago. Ganyan ang plano ng Diyos para sa buong sansinukob. Gagawa Siya ng isang bagong mundo, ngunit, higit sa lahat, paninibaguhin muna Niya ang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 22 at 23

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 223

Sa mundo, ang mga lindol ang pasimula ng sakuna. Una, Aking binabago ang mundo—ibig sabihin, ang lupa—at pagkatapos darating ang mga salot at mga taggutom. Ito ang Aking plano, at ang mga ito ang Aking mga hakbang, at pagagalawin Ko ang lahat upang maglingkod sa Akin upang tapusin ang Aking plano ng pamamahala. Sa gayon, ang buong mundo ng sansinukob ay mawawasak, kahit wala ang Aking tuwirang pakikialam. Nang una Akong naging katawang-tao at ipinako sa krus, yumanig nang napakalakas ang lupa, at magiging ganoon din pagdating ng katapusan. Magsisimula ang mga lindol sa mismong sandali na pumasok Ako sa espirituwal na dako mula sa katawang-tao. Sa gayon, ang mga panganay na anak ay walang-pasubaling hindi magdurusa mula sa sakuna, samantalang ang mga taong hindi mga panganay na anak ay maiiwan upang magdusa sa gitna ng mga sakuna. Kaya, mula sa pananaw ng tao, handang maging isang panganay na anak ang lahat. Sa mga pangitain ng mga tao, hindi ito para sa pagtatamasa ng mga pagpapala, kundi para takasan ang pagdurusa ng sakuna. Ito ang pakana ng malaking pulang dragon. Nguni’t hindi Ko ito kailanman hahayaang makatakas; pagdurusahin Ko ito ng Aking mabigat na kaparusahan at pagkatapos ay tatayo at maglilingkod sa Akin (tumutukoy ito sa paggawang ganap sa Aking mga anak at Aking bayan), na magdudulot dito na magpakailanmang malinlang ng sarili nitong mga patibong, magpakailanmang tanggapin ang Aking paghatol, at Aking sunugin magpakailanman. Ito ang totoong kahulugan ng gawin ang mga tagapagsilbi na magpuri sa Akin (iyon ay, gamitin sila upang ibunyag ang Aking dakilang kapangyarihan). Hindi Ko hahayaan ang malaking pulang dragon na pumuslit sa Aking kaharian, ni pagkakalooban Ko ito ng karapatang purihin Ako! (Dahil hindi ito karapat-dapat; hindi ito kailanman magiging karapat-dapat!) Papaglingkurin Ko lamang ang malaking pulang dragon sa Akin hanggang sa kawalang-hanggan! Hahayaan Ko lamang itong magpatirapa sa harap Ko. (Yaong mga nawasak ay mas napapabuti pa kaysa yaong mga nasa kapahamakan; pansamantalang mabigat na kaparusahan lamang ang pagkawasak, samantalang yaong mga nasa kapahamakan ay magdurusa ng matitinding kaparusahan magpakailanman. Sa kadahilanang ito, ginagamit Ko ang salitang “magpatirapa.” Dahil pumupuslit ang mga taong ito sa Aking tahanan at tinatamasa nang malaki ang Aking biyaya, at nagtataglay ng kaunting kaalaman tungkol sa Akin, gumagamit Ako ng mabibigat na kaparusahan. Tungkol naman sa mga nasa labas ng Aking bahay, maaari mong sabihin na hindi magdurusa ang mga mangmang.) Sa mga kuru-kuro ng mga tao, inaakala nila na ang mga taong nawasak ay mas malala kaysa yaong nasa kapahamakan, nguni’t sa kabaligtaran, ang huli ay kailangang mabigat na parusahan magpakailanman, at yaong mga nawasak ay babalik sa kawalan magpakailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 108

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 224

Kapag umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian—na kasabay ng pagdagundong ng pitong kulog—ang tunog na ito ay nagpapangatal sa langit at lupa, nagpapayanig sa kaitaasan ng langit at nagsasanhi ng panginginig ng damdamin ng bawat tao. Pormal na pumapailanlang ang awit ng kaharian sa lupain ng malaking pulang dragon, na nagpapatunay na nawasak Ko na ang bansang iyon at naitatag ang Aking kaharian. Ang mas mahalaga pa, nakatatag ang Aking kaharian sa lupa. Sa sandaling ito, sinisimulan Kong isugo ang Aking mga anghel sa bawat isa sa mga bansa ng mundo upang maakay nila ang Aking mga anak, ang Aking mga tao; ito ay para din matugunan ang mga kinakailangan sa susunod na hakbang ng Aking gawain. Gayunman, personal Akong pumunta sa lugar kung saan nakapulupot ang malaking pulang dragon, at nakikipaglaban dito. Kapag ang buong sangkatauhan ay nakilala Ako sa katawang-tao at nakikita nila ang Aking mga gawa sa katawang-tao, magiging abo ang pugad ng malaking pulang dragon at maglalaho nang walang bakas. Bilang mga tao ng Aking kaharian, dahil hanggang buto ang pagkamuhi ninyo sa malaking pulang dragon, kailangan ninyong palugurin ang Aking puso sa inyong mga kilos, at sa ganitong paraan ay mapapahiya ang dragon. Talaga bang nadarama ninyo na kasuklam-suklam ang malaking pulang dragon? Talaga bang nadarama ninyo na ito ang kaaway ng Hari ng kaharian? Talaga bang mayroon kayong pananampalataya na maaari kayong magbahagi ng magandang patotoo sa Akin? Talaga bang tiwala kayo na matatalo ninyo ang malaking pulang dragon? Ito ang hinihiling Ko sa inyo; ang tanging kailangan Ko ay makaabot kayo sa hakbang na ito. Magagawa ba ninyo ito? May pananampalataya ba kayo na magagawa ninyo ito? Ano ba talaga ang kayang gawin ng mga tao? Hindi ba mas mainam na Ako Mismo ang gumawa nito? Bakit Ko sinasabi na personal Akong bumababa sa lugar kung saan makakasali sa labanan? Ang nais Ko ay ang inyong pananampalataya, hindi ang inyong mga gawa. Lahat ng tao ay walang kakayahang unawain ang Aking mga salita sa tuwirang paraan, at sa halip ay sumusulyap lamang nang patagilid sa kanila. Nakatulong ba ito na makamtan ninyo ang inyong mga layunin? Nakilala na ba ninyo Ako sa ganitong paraan? Ang totoo, sa mga tao sa lupa, walang sinumang may kakayahang tingnan Ako nang tuwid sa mukha, at walang sinumang magagawang unawain ang dalisay at lantay na kahulugan ng Aking mga salita. Samakatuwid ay nagpasimula na Ako ng isang walang-katulad na proyekto sa ibabaw ng lupa, upang makamit ang Aking mga layunin at maitatag ang tunay Kong larawan sa puso ng mga tao. Sa ganitong paraan, wawakasan Ko ang panahon kung kailan nangingibabaw ang mga kuru-kuro ng mga tao.

Ngayon, hindi lamang Ako bumababa sa bansa ng malaking pulang dragon, bumabaling din Ako upang humarap sa buong sansinukob, na nagpapayanig sa buong kaitaasan ng langit. Mayroon bang iisang lugar kahit saan na hindi sumasailalim sa Aking paghatol? Mayroon bang iisang lugar na hindi umiiral sa ilalim ng mga kalamidad na ibinubuhos Ko roon? Saanman Ako magtungo, nagpakalat na Ako ng lahat ng uri ng “mga binhi ng sakuna.” Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at ito ay walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinagkakaloob Ko sa kanila ay isa pa ring anyo ng pagmamahal. Nais Kong tulutan ang mas maraming tao na makilala Ako at makita Ako, at sa ganitong paraan, katakutan ang isang Diyos na hindi nila nakikita sa loob ng napakaraming taon ngunit ngayon mismo ay praktikal. Bakit Ko nilikha ang mundo? Bakit, matapos maging tiwali ang mga tao, hindi Ko sila tuluyang nilipol? Bakit nabubuhay ang buong sangkatauhan sa gitna ng mga kalamidad? Ano ang Aking layunin sa pagkakatawang-tao? Kapag ginagampanan Ko ang Aking gawain, natitikman ng sangkatauhan hindi lamang ang pait, kundi maging ang tamis. Sa lahat ng tao sa mundo, sino ang hindi nabubuhay sa loob ng Aking biyaya? Kung hindi Ko napagkalooban ang mga tao ng materyal na mga pagpapala, sino ang may kakayahang maging masagana sa mundo? Isang pagpapala kaya ang pagtutulot sa inyo na kunin ang inyong lugar bilang Aking mga tao? Kung hindi kayo Aking mga tao, kundi sa halip ay mga tagapagsilbi, hindi ba kayo mabubuhay sa loob ng Aking mga pagpapala? Wala ni isa sa inyo ang may kakayahang arukin ang pinagmulan ng Aking mga salita. Ang sangkatauhan—sa halip na pahalagahan ang mga titulong Aking iginawad sa kanila, napakarami sa kanila, dahil sa titulong “tagapagsilbi,” ay nagkikimkim ng sama ng loob sa kanilang puso, at napakarami, dahil sa titulong “Aking mga tao,” ang nagmamahal sa Akin sa kanilang puso. Hindi dapat subukin ninuman na lokohin Ako; nakikita ng Aking mga mata ang lahat! Sino sa inyo ang tumatanggap nang maluwag sa kalooban, sino sa inyo ang ganap na nagpapasakop? Kung hindi umalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian, talaga bang magagawa ninyong magpasakop hanggang wakas? Ano ang kayang gawin at isipin ng mga tao, at gaano kalayo ang kaya nilang marating—lahat ng bagay na ito ay matagal Ko nang itinalaga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 10

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 225

Sa kabila ng katotohanan na pormal nang nagsimula ang pagtatayo ng kaharian, hindi pa pormal na umaalingawngaw ang pagpupugay sa kaharian; ngayon ay isang propesiya lamang ito ng darating. Kapag nagawa nang ganap ang lahat ng tao ng Diyos at naging kaharian ni Cristo ang lahat ng bansa sa daigdig, iyon na ang panahon kung kailan dadagundong ang pitong kulog. Ang kasalukuyang araw ay isang hakbang patungo sa yugtong iyon; napakawalan na ang pag-atake tungo sa araw na iyon. Ito ang plano ng Diyos, at maisasakatuparan ito sa malapit na hinaharap. Gayumpaman, ang lahat ng sinabi ng Diyos ay naisakatuparan na Niya. Sa gayon, malinaw na ang mga bansa ng daigdig ay mga kastilyong buhangin lamang, malapit nang gumuho—napipinto na ang huling araw, at babagsak ang malaking pulang dragon sa ilalim ng salita ng Diyos. Para matiyak na ang plano ng Diyos ay ganap na matagumpay, ang mga anghel ay bumaba sa mundo ng tao at nagsimulang gawin ang pinakamakakaya nila para mapalugod ang Diyos, at ang Diyos na nagkatawang-tao Mismo ay nasa lugar ng digmaan para makidigma laban sa kaaway. Kung nasaan ang nagkatawang-taong laman, doon pupuksain ang kaaway. Unang wawasakin ang Tsina; lilipulin ito ng kamay ng Diyos. Hinding-hindi Niya ito kakaawaan kahit kaunti. Habang mas nahihinog ang mga tao ng Diyos, pinapatunayan nito na higit pang bumabagsak ang malaking pulang dragon; malinaw itong nakikita ng tao. Ang pagkahinog ng mga tao ng Diyos ay isang hudyat ng pagkawasak ng kaaway. Isang munting paliwanag ito sa kung ano ang kahulugan ng “makipaglaban.” Sa gayon, ipinaalala na ng Diyos sa Kanyang mga tao sa maraming pagkakataon na magbigay ng magagandang patotoo sa Kanya upang mapawalang-saysay ang katayuang angkin ng mga kuru-kuro, na siyang kapangitan ng malaking pulang dragon, sa puso ng mga tao. Ginagamit ng Diyos ang gayong mga paalala para pasiglahin ang pananalig ng mga tao at, sa paggawa nito, nagkakamit ng mga katuparan sa Kanyang gawain. Ito ay dahil sinabi na ng Diyos, “Ano ba talaga ang kayang gawin ng mga tao? Sa halip, hindi ba’t Ako Mismo ang gumawa nito?” Ganito ang lahat ng tao; hindi lamang sila walang kakayahan, kundi madali rin silang masiraan ng loob at madismaya. Dahil dito, hindi nila kayang makilala ang Diyos. Hindi lamang muling binubuhay ng Diyos ang pananampalataya ng sangkatauhan; lihim at patuloy rin Niyang pinupuspos ng lakas ang mga tao.

Sumunod, nagsimulang magsalita ang Diyos sa buong sansinukob. Hindi lamang nasimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain sa Tsina, kundi sa buong sansinukob, nasimulan Niyang gawin ang bagong gawain ng ngayon. Sa yugtong ito ng gawain, dahil nais ng Diyos na ibunyag ang lahat ng Kanyang gawa sa buong daigdig upang bumalik ang lahat ng taong nagkanulo sa Kanya para magpasailalim sa harap ng Kanyang luklukan, maglalaman pa rin ng Kanyang awa at mapagmahal na kabaitan ang paghatol ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mga kasalukuyang kaganapan sa buong mundo bilang mga pagkakataon upang madama ng mga tao ang pagkataranta, na nagtutulak sa kanila na hanapin ang Diyos upang bumalik sila sa Kanyang harapan. Kaya nga, sinasabi ng Diyos, “Isa ito sa mga paraan ng Aking paggawa, at ito ay walang dudang isang gawa ng pagliligtas para sa sangkatauhan, at ang ipinagkakaloob Ko sa kanila ay isa pa ring anyo ng pagmamahal.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 10

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 226

Ginagamit Ko ang Aking awtoridad sa lupa, inilalahad Ko ang Aking gawain sa kabuuan nito. Lahat ng nasa Aking gawain ay nasasalamin sa ibabaw ng lupa; hindi naunawaan ng sangkatauhan kailanman, sa lupa, ang Aking mga galaw sa kalangitan, ni hindi nila pinagnilayang mabuti ang mga pag-ikot at mga direksyon ng Aking Espiritu. Ang naiintindihan lamang ng karamihan sa mga tao ay ang maliliit na detalyeng nasa labas ng espiritu, hindi nila naiintindihan ang aktwal na kalagayan ng espiritu. Ang mga kahilingan Ko sa sangkatauhan ay hindi lumalabas mula sa Aking malabong sarili na nasa langit, o mula sa sarili Kong hindi masuri sa lupa; Gumagawa Ako ng angkop na mga hinihingi ayon sa tayog ng tao sa lupa. Hindi Ko pinaghirap ang sinuman kailanman, ni hindi Ko hiningi sa kaninuman na “pigain ang kanyang dugo” para sa Aking kaluguran—maaari kayang limitahan ang Aking mga hinihingi sa gayong mga kundisyon? Sa napakaraming nilalang sa lupa, alin ang hindi nagpapasakop sa mga disposisyon ng mga salita sa Aking bibig? Alin sa mga nilalang na ito, na lumalapit sa Aking harapan, ang hindi ganap na sinunog ng Aking mga salita at ng Aking naglalagablab na apoy? Alin sa mga nilalang na ito ang nangangahas na “lumakad nang buong kahambugan” sa mayabang na pagbubunyi sa Aking harapan? Alin sa mga nilalang na ito ang hindi yumuyukod sa Aking harapan? Ako ba ang Diyos na nagpapataw lamang ng katahimikan sa mga nilalang? Sa napakaraming bagay na nilalang, pinipili Ko ang mga umaayon sa Aking mga layunin; sa napakaraming tao sa sangkatauhan, pinipili Ko yaong mga nagmamalasakit sa Aking puso. Pinipili Ko ang pinakamaganda sa lahat ng bituin, nang sa gayon ay makapagdagdag ng bahagyang kislap ng liwanag sa Aking kaharian. Lumalakad Ako sa lupa, nagsasabog ng Aking bango sa lahat ng dako, at, sa bawat lugar, iniiwan Ko ang Aking anyo. Sa bawat lugar ay umaalingawngaw ang Aking tinig. Ginugunita ng mga tao sa lahat ng dako ang magagandang tanawin ng kahapon, sapagkat naaalala ng buong sangkatauhan ang nakaraan …

Ang buong sangkatauhan ay nananabik na makita ang Aking mukha, ngunit nang bumaba Ako sa lupa nang personal, tutol silang lahat sa Aking pagdating, at itinataboy nila ang pagdating ng liwanag, na parang kaaway Ako ng tao sa langit. Sinasalubong Ako ng tao nang may pananggalang na liwanag sa kanyang mga mata, at nananatiling palaging alisto, na takot na takot na baka may iba Akong mga plano para sa kanya. Dahil ang turing sa Akin ng mga tao ay kaibigang hindi kilala, pakiramdam nila ay parang may kimkim Akong layunin na patayin sila nang walang pili-pili. Sa mga mata ng tao, isa Akong nakamamatay na kalaban. Nang matikman ang init ng Aking pagmamahal sa gitna ng kalamidad, ang tao gayunpaman ay hindi pa rin namamalayan ang Aking pagmamahal, at determinado pa ring hadlangan Ako at suwayin. Sa halip na samantalahin ang kanyang kundisyon para kumilos laban sa kanya, niyayapos Ko ang tao sa mainit na yakap, pinupuspos Ko ng tamis ang kanyang bibig, at nilalagyan Ko ng kailangang pagkain ang kanyang tiyan. Ngunit, kapag niyayanig ng Aking nagpupuyos na galit ang kabundukan at mga ilog, dahil sa karuwagan ng tao, hindi Ko na siya pagkakalooban ng iba’t ibang uri ng pagtulong na ito. Sa sandaling ito, Ako ay magngangalit, tumatangging bigyan ng pagkakataon ang lahat ng bagay na may buhay na magsisi at, binibitawan ang lahat ng Aking pag-asa para sa tao, ilalapat Ko sa kanya ang ganting nararapat talaga sa kanya. Sa pagkakataong ito, biglang gumuguhit ang kidlat at dumadagundong ang kulog, tulad ng mga alon sa karagatan na nagpupuyos sa galit, tulad ng libu-libong bundok na nagsisiguho. Para sa kanyang pagkasuwail, ang tao ay pinatutumba ng kulog at kidlat, at ang iba pang mga nilalang ay nililipol sa mga pagsabog ng kulog at kidlat, at ang buong sansinukob ay biglang bumubulusok sa malaking kaguluhan, at hindi na mabawi ng mga nilikha ang pangunahing hininga ng buhay. Hindi matakasan ng napakaraming hukbo ng sangkatauhan ang dagundong ng kulog; sa gitna ng mga pagkislap ng kidlat, nabubuwal ang mga tao, nang kawan-kawan, sa matuling agos, upang matangay ng malalakas na agos na bumababa mula sa kabundukan. Bigla, nagtitipun-tipon ang mundo ng “mga tao” sa lugar ng “hantungan” ng tao. Tinatangay ang mga bangkay sa ibabaw ng karagatan. Buong sangkatauhan ay nagsisilayo sa Akin dahil sa Aking poot, sapagkat nagkasala ang tao laban sa diwa ng Aking Espiritu, at nasalungat Ako sa kanyang paghihimagsik. Ngunit, sa mga lugar na walang tubig, tinatamasa pa rin ng ibang mga tao, sa gitna ng tawanan at awitan, ang mga pangakong naipagkaloob Ko sa kanila.

Kapag tahimik ang lahat ng tao, naglalabas Ako ng kislap ng liwanag sa harap ng kanilang mga mata. Kapagdaka, lumilinaw ang isipan at nagniningning ang mata ng mga tao, ayaw na nilang manahimik; sa gayon, ang espirituwal na damdamin ay naiipon kaagad sa kanilang puso. Kapag nangyayari ito, buong sangkatauhan ay nabubuhay na mag-uli. Isinasantabi ang kanilang di-masabing mga hinaing, lahat ng tao ay humaharap sa Akin, pagkatapos mabigyan ng isa pang pagkakataong maligtas sa pamamagitan ng mga salitang Aking ipinapahayag. Ito ay dahil nais ng lahat ng tao na mabuhay sa ibabaw ng lupa. Subalit sino sa kanila ang nagkaroon ng layon na mabuhay para sa Aking kapakanan? Sino sa kanila ang nakapaglantad na ng magagandang bagay sa kanyang sarili na inihahandog niya para sa Aking kasiyahan? Sino sa kanila ang nakatuklas na sa Aking nakakaakit na bango? Lahat ng tao ay magaslaw at hindi pinong mga bagay: Sa tingin, tila nakakasilaw sila sa mga mata, ngunit ang kanilang diwa ay hindi para mahalin Ako nang taos-puso, dahil, sa kaibuturan ng puso ng tao, hindi nagkaroon ng anumang bahagi Ko kailanman. Kulang na kulang ang tao: Ang pagkukumpara sa kanya sa Akin ay tila naghahayag ng isang malaking agwat na sinlawak ng langit at lupa. Gayunpaman, hindi Ko tinutuligsa ang mahihina at madaling masaktang bahagi ng tao, ni hindi Ko siya nililibak dahil sa kanyang mga pagkukulang. Libu-libong taon nang gumagawa sa mundo ang Aking mga kamay, at habang nangyayari ito, palaging nakabantay ang Aking mga mata sa buong sangkatauhan. Subalit hindi Ko pinaglaruan kailanman ang buhay ng isang tao na parang isang laruan. Minamasdan Ko ang mga pasakit na nararanasan ng tao at nauunawaan Ko ang halagang kanyang naisakripisyo. Habang nakatayo siya sa Aking harapan, ayaw Kong gulatin ang tao para kastiguhin siya, ni ayaw Ko siyang pagkalooban ng mga bagay na di-kanais-nais. Sa halip, sa buong panahong ito, natustusan Ko lamang at nabigyan ang tao. Kaya, ang tinatamasa lamang ng tao ay ang Aking biyaya, iyon ang lahat ng kasaganaang nagmumula sa Aking kamay. Dahil Ako ay nasa mundo, hindi kinailangan ng tao kailanman na magdanas ng paghihirap na magutom. Sa halip, tinutulutan Ko ang tao na tumanggap ng mga bagay sa Aking mga kamay na maaari niyang matamasa, at tinutulutan Ko ang sangkatauhan na mabuhay sa loob ng Aking mga pagpapala. Hindi ba nabubuhay ang buong sangkatauhan sa ilalim ng Aking pagkastigo? Tulad ng mayroong kasaganaan sa kaloob-looban ng kabundukan, at kasaganaan ng mga bagay na matatamasa sa katubigan, hindi ba mas lalong mayroong pagkaing pasasalamatan at titikman ang mga taong nabubuhay sa loob ng Aking mga salita ngayon? Ako ay nasa lupa, at tinatamasa ng sangkatauhan ang Aking mga pagpapala sa lupa. Kapag nilisan Ko ang lupa, kung kailan matatapos din ang Aking gawain, hindi na tatanggap ang sangkatauhan ng Aking kagandahang-loob dahil sa kanilang kahinaan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 17

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 227

Talaga bang namumuhi kayo sa malaking pulang dragon? Tunay at sinsero ba ninyong kinamumuhian ito? Bakit ba napakaraming beses Ko na kayong natanong? Bakit Ko ba palaging itinatanong sa inyo ang bagay na ito, nang paulit-ulit? Anong imahe ng malaking pulang dragon ang nasa inyong puso? Talaga bang naalis na ito? Talaga bang hindi ninyo ito itinuturing na inyong ama? Dapat mahiwatigan ng lahat ng tao ang layunin Ko sa Aking mga tanong. Hindi ito para pukawin ang galit ng mga tao, ni hindi para mag-udyok ng paghihimagsik sa gitna ng mga tao, ni hindi para matagpuan ng tao ang kanyang sariling daan palabas, kundi para tulutan ang lahat ng tao na palayain ang kanilang sarili mula sa pagkaalipin ng malaking pulang dragon. Subalit hindi dapat mabalisa ang sinuman. Lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makakagawa ng gawaing Aking isasagawa. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng lupain at pupuksain Ko ang lahat ng bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang Aking inisyal na gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na sumapit na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob. Ang malaking pulang dragon at lahat ng uri ng maruruming espiritu ay imposibleng makatakas sa Aking pagkastigo, sapagkat sinisiyasat Ko ang lahat ng lupain. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, ibig sabihin, kapag nagwakas na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Ang Aking mga tao ay tiyak na makikita ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, tiyak na magpapahayag ng kanilang papuri nang walang tigil dahil sa Aking pagkamatuwid, at siguradong pupurihin nila ang Aking banal na pangalan magpakailanman dahil sa Aking pagkamatuwid. Dahil dito ay pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa lahat ng mga lupain, magpakailan pa man!

Kapag ang panahon ng paghatol ay umabot na sa rurok nito, hindi Ko mamadaliin ang pagtapos sa Aking gawain, kundi isasama Ko rito ang katibayan ng panahon ng pagkastigo, para makita ng lahat ng tao Ko; dito makakamit ang mas magagandang bunga. Ang katibayang ito ang kaparaanang ginagamit Ko sa pagkastigo sa malaking pulang dragon, at hahayaan Kong mamasdan ito ng Aking mga tao sa sarili nilang mga mata upang mas makilala nila ang Aking disposisyon. Ang panahon na tinatamasa Ako ng Aking mga tao ay ang panahon na kinakastigo ang malaking pulang dragon. Ang pag-udyok sa mga tao ng malaking pulang dragon na tumindig at mag-alsa laban dito ay Aking plano, at ito ang pamamaraang ginagamit Ko upang gawing perpekto ang Aking mga tao, at magandang pagkakataon ito upang lumago sa buhay ang lahat ng tao Ko.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 28

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 228

Kapag lumitaw ang maliwanag na buwan, agad mababasag ang katahimikan ng gabi. Bagama’t pira-piraso ang buwan, masaya ang tao, at nakaupo nang matiwasay sa ilalim ng liwanag ng buwan, hinahangaan ang magandang tanawin sa liwanag ng buwan. Hindi mailalarawan ng tao ang kalagayan ng kanyang isipan; para bang nais niyang alalahanin ang nakaraan, para bang nais niyang tumingin sa kanyang hinaharap, para bang nasisiyahan siya sa kasalukuyan. May ngiti sa kanyang mukha, at sa gitna ng masayang kapaligiran doon ay tumatagos ang isang sariwang amoy; nang magsimulang umihip ang marahang simoy ng hangin, naaamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at tila nahumaling siya rito, at hindi niya magising ang kanyang sarili. Ito ang mismong oras na personal Akong naparito sa gitna ng mga tao, at lalong naaamoy ng tao ang mabangong halimuyak, at sa gayon ay namumuhay siya sa gitna ng halimuyak na ito. Payapa Ako kasama ang tao, nabubuhay ang tao na kasundo Ko, hindi na siya tumitingin sa Akin nang naiiba, hindi Ko na pinupungusan ang mga kakulangan ng tao, wala nang pagkabalisa sa mukha ng tao, at wala nang banta ng kamatayan sa buong sangkatauhan. Ngayon, sumusulong Ako na kasabay ng tao patungo sa panahon ng pagkastigo, sumusulong na kasabay siya sa Aking tabi. Ginagawa Ko ang Aking gawain, ibig sabihin, hinahampas Ko ang Aking tungkod sa gitna ng tao at tumatama ito sa bahaging mapaghimagsik sa tao. Sa mga mata ng tao, tila may kakaibang mga kapangyarihan ang Aking tungkod: Sumasapit ito sa lahat ng Aking kaaway at hindi sila madaling pinalulusot nito; sa lahat ng kumokontra sa Akin, ginagampanan ng tungkod ang likas na tungkulin nito; ang lahat ng nasa Aking mga kamay ay tumutupad sa kanya-kanyang papel nito ayon sa Aking mga layunin, at hindi ito kailanman sumalungat sa Aking mga layunin o nagbago ng diwa nito. Dahil dito, raragasa ang mga tubig, madudurog ang mga bundok, guguho ang malalaking ilog, magbabago palagi ang tao, lalamlam ang araw, magdidilim ang buwan, wala nang mga araw na mamumuhay sa kapayapaan ang tao, mawawalan na ng katahimikan sa lupa, hindi na kailanman muling mananatiling panatag at tahimik ang kalangitan, at hindi na nito pipigilan ang sarili nito. Mapapanibago ang lahat ng bagay at manunumbalik sa orihinal na anyo ng mga ito. Magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magsasama ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Lahat ng dating kalagayan ng mga bagay sa lupa ay Aking wawasakin. Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na magpahayag ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin ng laman, at kinamuhian Ko nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging “taong mapanghimasok” Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya kinukuha ang pagkakataong damputin ang kanyang “konsensiya”; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging tumututol sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako palaging tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pangangasiwa sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao? Paano maaaring maging kauri ng tao, na nilikha, ang Diyos, na lumilikha? Paano Ako maaaring manahan at kumilos palagi na kasama ng tao sa lupa? Sino ang nagmamalasakit sa Aking puso? Ang mga dalangin ba ng tao? Sumang-ayon Ako minsan na makipagniig sa tao at lumakad na kasabay niya—at oo, hanggang sa araw na ito ay nabubuhay ang tao sa ilalim ng Aking pangangalaga at proteksyon, ngunit may araw pa kayang darating kung kailan maihihiwalay ng tao ang kanyang sarili mula sa Aking pangangalaga? Bagama’t hindi nagmalasakit ang tao sa Aking puso kailanman, sino ang patuloy na mabubuhay sa isang lupain na walang liwanag? Dahil lamang sa Aking mga pagpapala kaya nabubuhay ang tao hanggang ngayon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 28

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 229

Nagkakagulo nang husto ang lahat ng bansa, dahil nagsimula nang gampanan ng pamalo ng Diyos ang papel nito sa lupa. Makikita ang gawain ng Diyos sa kalagayan ng mundo. Kapag sinasabi ng Diyos, “Raragasa ang mga tubig, madudurog ang mga bundok, guguho ang malalaking ilog,” ito ang paunang gawain ng pamalo sa lupa, na may resulta na “magkakawatak-watak ang lahat ng sambahayan sa lupa, at mahahati-hati ang lahat ng bansa sa mundo; mawawala na ang mga panahon na magsasama ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Lahat ng dating kalagayan ng mga bagay sa lupa ay Aking wawasakin.” Ganyan ang magiging karaniwang kalagayan ng mga pamilya sa lupa. Natural lamang na hindi ito maaaring maging kalagayan ng lahat; ganito lamang ang magiging kalagayan ng karamihan. Sa kabilang dako, tumutukoy ito sa mga sitwasyong mararanasan sa hinaharap ng lahat ng taong nasa daloy na ito. Hinuhulaan nito na, kapag nagdaan na sila sa pagkastigo ng mga salita at sumailalim sa mga sakuna ang mga walang pananampalataya, mawawalan na ng mga relasyon sa pamilya ang mga tao sa lupa; magiging mga tao silang lahat ng Sinim, at lahat ay magiging deboto sa kaharian ng Diyos. Sa gayon, mawawala na ang mga panahon na magsasama ang mag-asawa, hindi na muling magkikita ang ina at anak na lalaki, hindi na kailanman magtatagpo ang ama at anak na babae. Kaya nga, ang mga pamilya ng mga tao sa lupa ay magkakawatak-watak, magkakapira-piraso, at ito ang magiging panghuling gawaing gagawin ng Diyos sa tao. At dahil palalaganapin ng Diyos ang gawaing ito sa buong sansinukob, sasamantalahin Niya ang pagkakataon para linawin ang salitang “mga damdamin” para sa mga tao, kaya natutulutan silang makita na ang layunin ng Diyos ay paghiwalayin ang mga pamilya ng lahat ng tao, at nagpapakita na gumagamit ng pagkastigo ang Diyos upang lutasin ang lahat ng “alitan sa pamilya” sa sangkatauhan. Kung hindi, walang paraan para mawakasan ang huling bahagi ng gawain ng Diyos sa lupa. Ang huling bahagi ng mga salita ng Diyos ay inilalantad ang pinakamalaking kahinaan ng sangkatauhan—lahat sila ay namumuhay sa kalagayan ng mga damdamin—kaya nga hindi iniiwasan ng Diyos ang isa man sa kanila, at inilalantad ang mga lihim na nakatago sa puso ng buong sangkatauhan. Bakit hirap na hirap ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga damdamin? Ang paggawa ba nito ay higit pa kaysa sa mga pamantayan ng konsensiya? Maisasakatuparan ba ng konsensiya ang kalooban ng Diyos? Makatutulong ba ang mga damdamin upang malagpasan ng mga tao ang paghihirap? Sa mga mata ng Diyos, ang mga damdamin ay Kanyang kaaway—hindi ba ito malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 28

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 230

Lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng bahagi ng Kanyang disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi lubusang maipapahayag sa mga salita, kaya sapat na ito upang ipakita kung gaano talaga ang kasaganaang nasa Kanya. Kung ano ang nakikita at nahihipo ng mga tao, kunsabagay, ay limitado, gaya ng abilidad ng mga tao. Bagama’t malinaw ang mga salita ng Diyos, hindi kaya ng mga tao na lubusang maunawaan ang mga ito. Ipaghalimbawa na ang mga salitang ito: “Sa gitna ng pagkidlat, nabubunyag ang tunay na mga anyo ng lahat ng uri ng hayop. Gayundin naman, natatanglawan ng Aking liwanag, nabawi na ng tao ang kabanalang minsan niyang tinaglay. Ah, lumang tiwaling mundo! Sa wakas, nabuwal na ito tungo sa maruming tubig at, habang lumulubog pailalim, naging putik!” Lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng Kanyang pagiging Diyos, at bagama’t batid ng lahat ng tao ang mga salitang ito, walang nakaalam ng kahulugan ng mga ito kailanman. Sa mga mata ng Diyos, lahat ng lumalaban sa Kanya ay Kanyang mga kaaway, ibig sabihin, yaong mga sa masasamang espiritu ay mga hayop. Mula rito, mapapansin ng isang tao ang totoong kalagayan ng iglesia. Lahat ng tao ay sinusuri ang kanilang sarili sa ilalim ng pagtanglaw ng mga salita ng Diyos, nang hindi isinasailalim sa panenermon o pagtutuwid o direktang pagpapatalsik ng iba, nang hindi isinasailalim sa iba pang mga kilos ng tao, at nang hindi itinuturo ng iba ang mga bagay-bagay. Sa pamamagitan ng “mikroskopyo” na ito, nakikita nila nang napakalinaw kung gaano talaga karami ang sakit na nasa loob nila. Sa mga salita ng Diyos, bawat klase ng espiritu ay inuuri at ibinubunyag sa orihinal na anyo nito; ang mga may espiritu ng mga anghel ay higit na tinatanglawan at nililiwanagan, kaya nga ang mga salita ng Diyos: “nabawi na nila ang kabanalang minsan nilang tinaglay.” Ang mga salitang ito ay batay sa huling resultang nakamit ng Diyos. Sa sandaling ito, siyempre pa, hindi pa lubos na makakamit ang resultang ito—patikim lamang ito, sa pamamagitan nito makikita ang layunin ng Diyos. Sapat na ang mga salitang ito upang ipakita na maraming tao ang mabubuwal sa mga salita ng Diyos at matatalo sa unti-unting proseso ng pagpapabanal sa lahat ng tao. Dito, hindi sinasalungat ng “naging putik” ang pagwasak ng Diyos sa mundo gamit ang apoy, at ang “kidlat” ay tumutukoy sa poot ng Diyos. Kapag inilalabas ng Diyos ang Kanyang matinding poot, mararanasan ng buong mundo ang lahat ng uri ng sakuna dahil dito, tulad ng pagputok ng isang bulkan. Nakatayo sa itaas sa langit, makikita na sa lupa, lahat ng uri ng kalamidad ay paparating sa buong sangkatauhan, papalapit bawat araw. Habang nakatingin sa ibaba mula sa itaas, nagpapakita ang daigdig ng sari-saring mga tagpo na gaya noong bago dumating ang isang lindol. Hindi mapigil ang pagkalat ng likidong apoy, dumadaloy nang malaya ang lava, gumagalaw ang mga bundok, at kumikislap ang malamig na liwanag sa lahat. Nasadlak na sa apoy ang buong mundo. Ito ang tagpo ng paglalabas ng Diyos ng Kanyang poot, at ito ang panahon ng Kanyang paghatol. Lahat ng mayroong laman at dugo ay hindi makakatakas. Sa gayon, ang mga digmaan sa pagitan ng mga bansa at mga alitan sa pagitan ng mga tao ay hindi kakailanganin para wasakin ang buong mundo; sa halip, ang mundo ay “nasisiyahan nang may kamalayan” sa loob ng duyan ng pagkastigo ng Diyos. Walang makakatakas; bawat tao ay kailangang magdaan sa pagsubok na ito, nang isa-isa. Pagkatapos niyon, ang buong sansinukob ay muling kikislap sa banal na kaningningan at ang buong sangkatauhan ay muling magsisimula ng isang bagong buhay. At mamamahinga ang Diyos sa ibabaw ng sansinukob at pagpapalain ang buong sangkatauhan bawat araw. Hindi na magiging lubhang mapanglaw ang langit, kundi mapapanumbalik ang siglang hindi na nito tinaglay mula nang likhain ang mundo. Ang “ikaanim na araw” ay mismong kung kailan magsisimula ang Diyos ng isang bagong buhay. Ang Diyos at sangkatauhan ay kapwa papasok sa kapahingahan, at ang sansinukob ay hindi na magiging malabo o marumi, kundi mapapanibago. Kaya nga sinabi ng Diyos: “Hindi na tahimik at walang ingay na parang libingan ang mundo, hindi na mapanglaw at tigang ang langit.” Sa kaharian ng langit, hindi nagkaroon kailanman ng kawalan ng katuwiran o mga damdamin ng tao, o anuman sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, dahil wala roon ang panggugulo ni Satanas. Nauunawaang lahat ng “mga tao” ang mga salita ng Diyos, at ang buhay sa langit ay isang buhay na puno ng kagalakan. Lahat ng nasa langit ay may karunungan at may dignidad ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 18

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 231

Masasabi na lahat ng mga salita ngayon ay nagpopropesiya ng mga mangyayari sa hinaharap at inilalarawan ng mga ito ang mga pagsasaayos ng Diyos para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain. Halos tapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao ng iglesia, at pagkatapos ay magpapakita Siya sa lahat ng tao nang may poot. Sabi nga ng Diyos, “Papangyarihin Ko na kilalanin ng mga tao sa lupa ang Aking mga ginagawa, at idudulot na mapatunayan ang Aking mga gawa sa harap ng ‘hukumang-luklukan,’ idudulot na makilala ang Aking mga gawa sa gitna ng mga tao sa buong daigdig, at idudulot na magsisuko ang lahat.” May nakita ba kayong anuman sa mga salitang ito? Narito ang buod ng susunod na bahagi ng gawain ng Diyos. Una, papangyarihin ng Diyos na lubos na makumbinsi ang lahat ng asong bantay na may-kapangyarihan sa politika at umatras sila nang may pagkukusa mula sa entablado ng kasaysayan, upang hindi na muling makipag-agawan kailanman para sa katayuan, at hindi na muling makibahagi kailanman sa mga pakana at intriga. Ang gawaing ito ay kailangang maisakatuparan sa pamamagitan ng iba’t ibang sakuna na ipapadala ng Diyos sa lupa. Gayumpaman, hindi magpapakita ang Diyos. Sa panahong ito, ang bansa ng malaking pulang dragon ay magiging lupain pa rin ng karumihan, at samakatwid ay hindi magpapakita ang Diyos, kundi lalabas lamang sa pamamagitan ng pagkastigo. Ganyan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi matatakasan ninuman. Sa panahong ito, lahat ng nananahan sa bansa ng malaking pulang dragon ay daranas ng kalamidad, na natural lamang na kasama rin ang kaharian sa lupa (ang iglesia). Ito ang mismong panahon kung kailan sumasapit ang mga katunayan sa mga tao. Samakatwid, mararanasan ito ng lahat ng tao, at walang sinumang makakatakas. Pauna itong inorden ng Diyos. Dahil mismo sa hakbang na ito ng gawain kaya sinasabi ng Diyos, “Ngayon ang panahon upang isakatuparan ang malalaking plano.” Dahil, sa hinaharap, wala nang iglesia sa lupa, at dahil sa pagdating ng mga sakuna, ang makakaya lamang isipin ng mga tao ay ang nasa harapan nila, at kaliligtaan na nila ang iba pa, at magiging mahirap para sa kanila na matamasa ang Diyos sa gitna ng mga sakuna. Sa gayon, hinihiling sa mga tao na malaya at buo nilang mahalin ang Diyos sa kamangha-manghang panahong ito, upang hindi nila mapalampas ang pagkakataon. Kapag lumipas na ang katunayang ito, lubusan nang natalo ng Diyos ang malaking pulang dragon, at sa gayon ay magwawakas na ang gawain ng pagpapatotoo ng mga tao ng Diyos para sa Kanya; pagkatapos, sisimulan ng Diyos ang susunod na hakbang ng gawain, ang pagwasak sa bansa ng malaking pulang dragon, at sa kahuli-hulihan ay pagpapako sa krus nang pabaligtad ng mga tao ng buong sansinukob, at pagkatapos ay lilipulin Niya ang buong sangkatauhan—ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa hinaharap. Sa gayon, dapat ninyong hangaring gawin ang lahat para mahalin ang Diyos sa payapang kapaligirang ito. Sa hinaharap mawawalan na kayo ng mga pagkakataong mahalin ang Diyos, sapagkat may pagkakataon lamang ang mga tao na mahalin ang Diyos sa laman; kapag nabubuhay na sila sa ibang mundo, wala nang sinumang magsasalita tungkol sa pagmamahal sa Diyos. Hindi ba ito ang responsibilidad ng isang nilalang? Kaya nga paano ninyo dapat mahalin ang Diyos sa mga panahon ng inyong buhay? Naisip mo na ba ito kahit kailan? Naghihintay ka ba hanggang sa mamatay ka para mahalin ang Diyos? Hindi ba ito hungkag na pananalita? Ngayon, bakit hindi mo patuloy na sinisikap mahalin ang Diyos? Tunay na pagmamahal ba sa Diyos ang mahalin Siya habang nananatili kang abala? Kaya sinabi na ang hakbang na ito ng gawain ng Diyos ay magwawakas na ay dahil may patotoo na ang Diyos sa harap ni Satanas. Sa gayon, wala nang kailangang gawin ang tao; hinihiling lamang sa tao na patuloy na sikaping mahalin ang Diyos sa mga taon ng kanyang buhay—ito ang susi. Dahil ang mga hinihiling ng Diyos ay hindi malaki, at, bukod pa riyan, dahil may nag-aalab na pagkabalisa sa Kanyang puso, nagbunyag na Siya ng isang buod ng susunod na hakbang ng gawain bago matapos ang hakbang na ito ng gawain, na malinaw na nagpapakita kung gaanong panahon pa ang natitira; kung hindi nababalisa ang Diyos sa Kanyang puso, bibigkasin ba Niya ang mga salitang ito nang napakaaga? Dahil maikli ang panahon kung kaya gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan. Sana’y makaya ninyong mahalin ang Diyos nang buong puso, buong isipan, at buong lakas, tulad ng pagmamahal ninyo sa inyong sariling buhay. Hindi ba ito isang buhay na napakamakahulugan? Saan pa ninyo matatagpuan ang kahulugan ng buhay? Hindi ba kayo nagpapakabulag? Handa ka bang mahalin ang Diyos? Nararapat ba ang Diyos sa pagmamahal ng tao? Nararapat ba ang mga tao sa pagsamba ng tao? Kaya, ano ang dapat mong gawin? Mahalin mo ang Diyos nang may tapang, nang walang pag-aalinlangan, at tingnan mo kung ano ang gagawin ng Diyos sa iyo. Tingnan mo kung papaslangin ka Niya. Sa kabuuan, ang atas na mahalin ang Diyos ay mas mahalaga kaysa ang kopyahin at isulat ang mga bagay-bagay para sa Diyos. Dapat mong unahin kung ano ang pinakamahalaga, upang ang iyong buhay ay magkaroon ng higit na halaga at mapuspos ng kaligayahan, at pagkatapos ay dapat mong hintayin ang “hatol” ng Diyos para sa iyo. Iniisip Ko kung kasama kaya sa plano mo ang mahalin ang Diyos. Ang mga plano sana ng lahat ay iyong tinatapos ng Diyos, at sana magkatotoo ang lahat ng iyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagsisiwalat sa mga Misteryo ng “Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob,” Kabanata 42

Sinundan: Pagkilala sa Gawain ng Diyos I

Sumunod: Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Ano Siya

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito