Paghatol sa mga Huling Araw

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 77

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay makakapagpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at pagtanggap ng kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang malaman ng mga tao na sila ay nagmula sa lahi ni Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng tao sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong mga satanikong tiwaling disposisyon ng tao? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, itinaas mo ang iyong kamay mas mataas kaysa sa lahat, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging isang kapalagayang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Ang malaking pulang dragon nawa ay tuluyan nang bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa ay gawin tayong ganap ng Diyos!” Sumigaw ka nang pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa ay nabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon. Tumigil ang iyong mga sigaw, at nawala ang iyong determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; ito ay isang bagay na mas malalim kaysa kasalanan, isang bagay na itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 78

Pagkabanggit sa salitang “paghatol,” malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para tagubilinan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Pariseo. Bagama’t mahigpit ang mga salitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao; mga salita lamang ito na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang kapaligiran, na ibig sabihin, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang mapanlabang puwersa laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay magkakamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya kayang arukin. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang mga katotohanang ito, kung palagi mong sinusubukang iwasan ang mga ito o palagi kang naghahanap sa labas ng mga ito ng isang bagong daan palabas, kung gayon ay sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung nananampalataya ka sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni minamahal ang Daan na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon ay sinasabi Kong ikaw ay isang tao na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa malaking puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng mas mabigat pang kaparusahan. Iyong mga nagsisilapit sa harap ng Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol, at higit pa rito ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay isang bagay na nabibilang sa hinaharap.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 79

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat magsagawa nito; hindi maaaring ang tao ang gumawa nito sa halip na Siya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa sangkatauhan sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlanganan na muling nagpapakita ang Diyos sa gitna ng tao bilang nagkatawang-taong wangis upang gampanan ang gawaing ito. Ibig sabihin, gagamitin ni Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam sa kanila ang lahat ng katotohanan. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Marami ang hindi komportable tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang gawain ng paghatol. Gayumpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan, ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa isipan ng mga tao na tanggapin ito. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ang Siyang kataas-taasang pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad ng isang balon ng maruming tubig na nagluluwal lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging sinusubukan ng mga tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Hinihikayat Ko kayong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa sa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na iyuko ang ulo nila sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay hindi mapipigilan. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalampas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, hintayin mo na lamang na hatulan ka ng malaking puting luklukan na iyon sa langit! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba’t isa itong katunayan na matagal nang isinakatuparan ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin na dalhin ka ni Jesus paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy. Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na mananampalataya na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga pagpapala. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 80

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunurin kang magpasakop sa pagkahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na masang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, na ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga kasalanan ng mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na hindi man lang karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, ng isang kaparusahan na bukod pa rito ay magpasawalang hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapatapon ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hinahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat at huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang mga talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila magreinkarnasyon muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng isang grupo ng iba’t ibang masasamang loob, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi sila makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang pabasta-bastang harapin Siya. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay lilipulin, kasama na ang mga taong ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa sa puso at isipan ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at ang mga paunang itinadhana ng Diyos na maging mga pari. Sila ang kristalisasyon ng gawain ng Diyos. Iyon namang mga hindi maikaklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 81

Hindi inuulit ng Diyos ang gawain sa anumang kapanahunan. Dahil dumating na ang mga huling araw, gagawin Niya ang gawain Niya sa mga huling araw at ibubunyag ang Kanyang buong disposisyon sa mga huling araw. Kapag pinag-uusapan ang mga huling araw, tumutukoy ito sa naiibang kapanahunan, kung saan sinabi ni Jesus na tiyak kayong makararanas ng sakuna, at makararanas ng mga lindol, taggutom, at mga salot, na magpapakita na ito ay isang bagong kapanahunan at hindi na ang dating Kapanahunan ng Biyaya. Kung, katulad ng sinasabi ng mga tao, ang Diyos ay hindi nagbabago magpakailanman, ang Kanyang disposisyon ay laging mahabagin at mapagmahal, na mahal Niya ang tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, at naghahandog Siya ng kaligtasan sa lahat at hindi Niya kailanman kinamumuhian ang tao, matatapos ba kailanman ang Kanyang gawain? Nang dumating si Jesus at ipinako sa krus, iniaalay ang Kanyang sarili para sa lahat ng makasalanan at inihahandog ang Kanyang sarili sa altar, naisakatuparan na Niya ang gawain ng pagtubos at naihatid na ang Kapanahunan ng Biyaya sa katapusan nito. Kaya ano ang magiging saysay ng pag-uulit sa gawain ng kapanahunang iyon sa mga huling araw? Hindi ba’t ang paggawa ng parehong bagay ay pagtanggi sa gawain ni Jesus? Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng pagpapapako sa krus noong Siya ay dumating sa yugtong ito, kundi nanatiling mapagmahal at maawain, madadala ba Niya ang kapanahunan sa katapusan? Mawawakasan ba ng isang mapagmahal at maawaing Diyos ang kapanahunan? Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, hayagang hinahatulan ang di-mabilang na mga tao, at pineperpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunan. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao kung ano talaga sila kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang di-mabilang na mga tao ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at ibinubunyag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay nabubunyag at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng kaluwagan, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Maihahalintulad ito sa isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso, na nagmamahal sa mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at nagpapakita sa kanila ng pagmamahal at pagtitiis sinuman sila—kailan makaaabot ang gayong hukom sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong dako. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 82

May sukdulang kabuluhan ang Kanyang gawain sa katawang-tao, na sinasabi ayon sa gawain, at ang Siya na sa huli ay tumatapos sa gawain ay ang Diyos na nagkatawang-tao, at hindi ang Espiritu. Naniniwala ang ilan na maaaring pumarito sa lupa ang Diyos sa isang hindi pa batid na panahon at magpakita sa tao, kung saan hahatulan Niya mismo ang buong sangkatauhan, susubukan ang bawat isa nang walang sinumang naiiwan. Hindi alam ng mga nag-iisip sa ganitong paraan ang yugtong ito ng gawain ng pagkakatawang-tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang isa-isa, ni hindi sila pinadadaan sa pagsubok nang paisa-isa; hindi magiging gawain ng paghatol ang paggawa ng gayon. Hindi ba’t magkakatulad ang katiwalian ng lahat ng sangkatauhan? Hindi ba’t magkakatulad ang diwa ng lahat ng sangkatauhan? Ang hinahatulan ay ang tiwaling diwa ng sangkatauhan, ang diwa ng tao na ginawang tiwali ni Satanas, at ang lahat ng kasalanan ng tao. Hindi hinahatulan ng Diyos ang maliliit at di-mahahalagang kapintasan ng tao. Ang gawain ng paghatol ay representatibo, at hindi ito isinasagawa nang partikular para sa isang tiyak na tao. Sa halip, gawain ito na kung saan hinahatulan ang isang pangkat ng mga tao upang kumatawan sa paghatol sa lahat ng sangkatauhan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa katawang-tao ay ang gamitin ang Kanya Mismong gawain sa isang pangkat ng mga tao para katawanin ang gawain sa buong sangkatauhan, pagkatapos ay unti-unti itong ipinalalaganap. Ganito rin ang gawain ng paghatol. Hindi hinahatulan ng Diyos ang isang partikular na uri ng tao o isang partikular na grupo ng mga tao, bagkus ay hinahatulan ang hindi pagkamatuwid ng buong sangkatauhan, tulad ng paglaban ng tao sa Diyos, o ng hindi pagkatakot ng tao sa Kanya, o ng panggugulo ng tao sa gawain ng Diyos. Ang hinahatulan ay ang diwa ng paglaban ng sangkatauhan sa Diyos, at ang gawaing ito ng paghatol ay ang gawain ng paglupig sa mga huling araw. Ang gawain at salita ng Diyos na nagkatawang-tao na nasaksihan ng tao ay ang gawain ng paghatol sa harap ng malaking puting trono sa mga huling araw, na tinaglay ng tao sa kanyang mga kuru-kuro sa mga nakaraang panahon. Ang gawaing kasalukuyang ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang mismong paghatol sa harap ng malaking puting trono. Ang Diyos na nagkatawang-tao ngayon ay ang Diyos na humahatol sa buong sangkatauhan sa panahon ng mga huling araw. Ang katawang-tao na ito at ang gawain, salita, at buong disposisyon ng katawang-taong ito ay ang kabuuan Niya. Bagama’t may hangganan ang saklaw ng gawain ng katawang-taong ito, at hindi direktang sumasaklaw sa buong sansinukob, ang diwa ng gawain ng paghatol ay ang direktang paghatol sa lahat ng sangkatauhan—ang gawaing ito ay hindi lamang para sa kapakanan ng mga hinirang na tao sa Tsina, at hindi rin ito isinasakatuparan para sa kapakanan ng isang maliit na bilang ng mga tao. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, bagama’t hindi kabilang ang buong sansinukob sa saklaw ng gawaing ito, kumakatawan ito sa gawain ng buong sansinukob, at pagkaraan Niyang tapusin ang gawain sa loob ng saklaw ng gawain ng Kanyang katawang-tao, agad Niyang ipapalaganap ang gawaing ito sa bawat lugar sa loob ng sansinukob, sa katulad na paraan na lumaganap ang ebanghelyo ni Jesus kasunod ng Kanyang muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit. Gawain man ito ng Espiritu o gawain ng katawang-tao, gawain ito na isinasagawa sa loob ng isang limitadong saklaw, ngunit kumakatawan sa gawain ng buong sansinukob. Sa panahon ng mga huling araw, ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng pagpapakita sa Kanyang nagkatawang-taong pagkakakilanlan, at ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos na humahatol sa tao sa harap ng malaking puting trono. Espiritu man Siya o ang katawang-tao, Siya na gumagawa ng gawain ng paghatol ay ang Diyos na humahatol sa sangkatauhan sa mga huling araw. Natutukoy ito batay sa gawaing Kanyang ginagawa, hindi batay sa Kanyang panlabas na kaanyuan o iba pang mga bagay. Bagama’t nagkikimkim ang tao ng mga kuru-kuro sa mga salitang ito, walang sinuman ang makapagtatatwa sa katunayan ng paghatol at paglupig ng Diyos na nagkatawang-tao sa lahat ng sangkatauhan. Kung anuman ang iniisip ng tao hinggil dito, ang mga katunayan, sa kabila ng lahat, ay mga katunayan. Walang sinuman ang makakayang magsabi na “Ang gawain ay ginagawa ng Diyos, ngunit ang katawang-tao ay hindi Diyos.” Maling kaisipan ito, dahil ang gawaing ito ay maaari lamang gawin ng Diyos sa katawang-tao. Dahil nagawa nang ganap ang gawaing ito, kasunod ng gawaing ito, hindi lilitaw sa pangalawang pagkakataon ang gawain ng paghatol ng Diyos sa tao; natapos na ng Diyos sa Kanyang pangalawang pagkakatawang-tao ang lahat ng gawain ng buong pamamahala, at wala nang magiging ikaapat na yugto ng gawain ng Diyos. Sapagkat ang tao ang siyang hinahatulan, ang taong makalaman at naging tiwali, at hindi ang espiritu ni Satanas ang tuwirang hinahatulan, ang gawain ng paghatol, kung gayon, ay hindi isinasagawa sa espirituwal na mundo, kundi sa gitna ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Higit ang Pangangailangan ng Tiwaling Sangkatauhan sa Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 83

Walang sinuman ang mas angkop at mas kalipikado kaysa sa Diyos sa katawang-tao para sa gawain ng paghatol sa katiwalian ng laman ng tao. Kung ang paghatol ay tuwirang isasagawa ng Espiritu ng Diyos, kung gayon, hindi ito sasaklaw sa lahat, at, dagdag pa rito, ang tao ay mahihirapang tanggapin ito, sapagkat hindi magagawa ng Espiritu na lumapit nang harap-harapan sa tao. Batay lamang sa puntong ito, hindi magiging agaran ang mga epekto, lalong hindi makikita ng tao nang may mas malaking kalinawan ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala. Lubusang magagapi lamang si Satanas kung hahatulan ng Diyos sa katawang-tao ang katiwalian ng sangkatauhan. Ang Diyos sa katawang-tao ay isa ring tao na may normal na pagkatao, gayumpaman, kaya Niyang tuwirang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao; ito ang tatak ng Kanyang likas na kabanalan, at ng Kanyang pagiging katangi-tangi. Tanging ang Diyos ang kalipikado, at nasa katayuan na hatulan ang tao, sapagkat taglay Niya ang katotohanan at pagiging matuwid, at kaya nagagawa Niyang hatulan ang tao. Iyong mga walang katotohanan at pagiging matuwid ay hindi karapat-dapat na hatulan ang iba. Kung ginawa ng Espiritu ng Diyos ang gawaing ito, kung gayon ay hindi ito mangangahulugan ng tagumpay laban kay Satanas. Likas na mas matayog ang Espiritu kaysa sa mga mortal na nilalang, at likas na banal ang Espiritu ng Diyos, at matagumpay laban sa laman. Kung tuwirang ginawa ng Espiritu ang gawaing ito, hindi Niya magagawang hatulan ang lahat ng paghihimagsik ng tao at hindi makakayang ibunyag ang lahat ng hindi pagiging matuwid ng tao. Sapagkat ang gawain ng paghatol ay ginagawa rin sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ng tao sa Diyos, at ang tao ay hindi kailanman nagkaroon ng anumang mga kuru-kuro sa Espiritu, at sa gayon ay hindi kaya ng Espiritu ang higit na mainam na pagbubunyag sa hindi pagiging matuwid ng tao, lalong hindi kaya ang lubusang pagsisiwalat ng gayong hindi pagiging matuwid. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang kaaway ng lahat ng hindi nakakakilala sa Kanya. Sa pamamagitan ng paghatol sa mga kuru-kuro ng tao tungkol sa Kanya at sa paglaban nila sa Kanya, isinisiwalat Niya ang lahat ng pagiging mapaghimagsik ng sangkatauhan. Ang mga epekto ng Kanyang gawain sa katawang-tao ay mas malinaw kaysa sa epekto ng gawain ng Espiritu. At kaya, ang paghatol sa lahat ng sangkatauhan ay hindi tuwirang isinasagawa ng Espiritu, bagkus ay ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Kayang makita at mahawakan ng tao ang Diyos sa katawang-tao, at ang Diyos sa katawang-tao ay kayang ganap na lupigin ang tao. Ang tao ay umuusad mula sa paglaban sa Diyos patungo sa pagpapasakop sa Kanya, mula sa pag-uusig sa Kanya patungo sa pagtanggap sa Kanya, mula sa pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya patungo sa pagkakilala sa Kanya, at mula sa pagtanggi sa Kanya patungo sa pagmamahal sa Kanya—ang mga ito ang mga epekto ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Naliligtas lamang ang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng Kanyang paghatol, unti-unti lamang na nakikilala Siya ng tao sa pamamagitan ng mga salita ng Kanyang bibig, nalulupig Niya ang tao sa proseso ng paglaban nito sa Kanya, at tumatanggap ito ng panustos ng buhay mula sa Kanya sa proseso ng pagtanggap sa Kanyang pagkastigo. Ang lahat ng gawaing ito ay ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ang gawain ng Diyos sa Kanyang pagkakakilanlan bilang Espiritu. Ang gawaing ginagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang pinakadakilang gawain, at ang pinakamalalim na gawain, at ang pinakakritikal na bahagi ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay ang dalawang yugto ng gawain ng pagkakatawang-tao. Ang mga balakid na kinakaharap ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay masyadong malalaki, dahil napakalalim na nagawang tiwali ang tao. Sa partikular, ang gawaing isinasakatuparan sa mga taong ito sa mga huling araw ay lalo nang napakahirap—ang kapaligiran ay napakasama, at ang kakayahan ng bawat uri ng tao ay talagang mahina. Ngunit sa katapusan ng gawain na ito, makakamit pa rin nito ang wastong epekto, nang wala ni katiting na pagkukulang; ito ay ang epekto ng gawain ng katawang-tao, at higit na nakakakumbinsi ang epektong ito kaysa sa epekto ng gawain ng Espiritu. Tatapusin sa katawang-tao ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at dapat tapusin ang mga ito ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinakamahalaga at pinakakritikal na gawain ay ginagawa sa katawang-tao, at ang pagliligtas sa tao ay kailangang personal na isakatuparan ng Diyos sa katawang-tao. Bagama’t nararamdaman ng lahat ng sangkatauhan na tila walang kaugnayan sa tao ang Diyos sa katawang-tao, sa katunayan ay nauugnay sa kapalaran at pag-iral ng buong sangkatauhan ang katawang-tao na ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mas Higit ang Pangangailangan ng Tiwaling Sangkatauhan sa Pagliligtas ng Diyos na Nagkatawang-tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 84

Ngayon ay hinahatulan kayo ng Diyos, kinakastigo kayo, at kinokondena kayo, ngunit dapat mong malaman na ang punto ng pagkondena sa iyo ay upang makilala mo ang iyong sarili. Siya ay kumokondena, sumusumpa, humahatol, at kumakastigo para makilala mo ang iyong sarili, para magbago ang iyong disposisyon, at, higit pa rito, para malaman mo ang iyong halaga, at makita na lahat ng kilos ng Diyos ay matuwid at alinsunod sa Kanyang disposisyon at mga pangangailangan ng Kanyang gawain, na Siya ay gumagawa alinsunod sa Kanyang plano para sa kaligtasan ng tao, at na Siya ang matuwid na Diyos na nagmamahal at nagliligtas sa tao, at humahatol at kumakastigo rin sa tao. Kung alam mo lamang na mababa ang iyong katayuan, na ikaw ay tiwali at mapaghimagsik, ngunit hindi mo alam na nilalayon ng Diyos na ibunyag ang Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo na Kanyang ginagawa sa iyo ngayon, wala kang paraan para makaranas ng mga bagay, lalong wala kang kakayahang patuloy na sumulong. Ang Diyos ay hindi naparito upang hampasin o lipulin ang mga tao, kundi upang hatulan, sumpain, kastiguhin, at iligtas sila. Hanggang sa matapos ang Kanyang 6,000 taong plano ng pamamahala—bago Niya ibunyag ang kalalabasan ng bawat kategorya ng tao—ang gawain ng Diyos sa lupa ay ganap na para sa pagliligtas; ang layon nito ay para lamang gawing lubusang ganap iyong mga nagmamahal sa Kanya at magpasailalim sila sa Kanyang kapamahalaan. Paano man inililigtas ng Diyos ang mga tao, ginagawang lahat iyon sa pamamagitan ng paghiwalay sa dati nilang satanikong kalikasan; ibig sabihin, inililigtas Niya sila sa pamamagitan ng pagdulot na maghangad sila ng buhay. Kung hindi nila gagawin iyon, walang paraan upang matanggap nila ang pagliligtas ng Diyos. Ang pagliligtas ay ang gawain ng Diyos Mismo, at ang paghahangad ng buhay ay isang bagay na kailangang taglay ng tao upang tumanggap ng kaligtasan. Sa mga mata ng tao, ang kaligtasan ay ang pag-ibig ng Diyos, at ang pag-ibig ng Diyos ay hindi maaaring maging pagkastigo, paghatol, at mga pagsumpa; ang pagliligtas ay kailangang naglalaman ng awa, mapagmahal na kabaitan, at, bukod pa rito, ng mga salita ng kaginhawahan, gayundin ng walang-hanggang mga pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos. Naniniwala ang mga tao na kapag inililigtas ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon sa pamamagitan ng pag-antig dito gamit ang Kanyang mga pagpapala at biyaya, para maibigay nito ang puso nito sa Diyos. Ibig sabihin, ang Kanyang pag-antig sa tao ay pagliligtas Niya dito. Ang ganitong uri ng pagliligtas ay transaksiyonal. Kapag pinagkalooban ito ng Diyos ng isandaang beses, saka pa lamang magpapasailalim ang tao sa pangalan ng Diyos, at sa gayon ay magparamdam ng karangalan sa Diyos at magbigay ng papuri sa Kanya. Hindi ito ang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang Diyos ay naparito para gumawa sa lupa upang iligtas ang tiwaling sangkatauhan; walang kasinungalingan dito. Kung hindi ito ang kaso, tiyak na hindi sana Siya naparito upang gawin ang Kanyang gawain nang personal. Dati-rati, ang Kanyang paraan ng pagliligtas ay may kasamang pagpapakita ng sukdulang awa at mapagmahal na kabaitan, kaya ibinigay Niya ang lahat Niya kay Satanas kapalit ng buong sangkatauhan. Ang kasalukuyan ay hindi kagaya ng nakaraan: Ang pagliligtas sa inyo ngayon ay nangyayari sa panahon ng mga huling araw, kung kailan ibinubukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri; ang paraan ng pagliligtas sa inyo ay hindi awa o mapagmahal na kabaitan, kundi pagkastigo at paghatol, upang ang tao ay mas lubusang maligtas. Sa gayon, ang natatanggap lamang ninyo ay pagkastigo, paghatol, at walang awa na paghampas, ngunit dapat ninyong malaman ito: Sa walang awa na paghampas na ito, wala ni kakatiting na kaparusahan. Gaano man kabagsik ang Aking mga salita, ang sumasapit sa inyo ay iilang salita lamang na maaaring magmukhang lubos na walang puso sa inyo, at gaano man katindi ang Aking galit, ang sumasapit sa inyo ay mga salita pa rin ng pagsaway, at hindi Ko layon na saktan kayo o patayin kayo. Hindi ba totoo ang lahat ng ito? Dapat ninyong malaman na sa panahong ito, matuwid na paghatol man o walang awang pagpipino at pagkastigo, lahat ay para sa kapakanan ng kaligtasan. Ibubukod-bukod man ngayon ang bawat tao ayon sa kanilang uri o mabubunyag man ang lahat ng uri ng tao, ang layunin ng lahat ng salita at gawain ng Diyos ay upang iligtas iyong mga tunay na nagmamahal sa Diyos. Ang matuwid na paghatol ay pinasasapit upang dalisayin ang tao, at ang walang awa na pagpipino ay ginagawa upang linisin ito; ang masasakit na salita o pagtutuwid ay kapwa ginagawa upang magpadalisay at alang-alang sa kaligtasan. Sa gayon, ang pamamaraan ng pagliligtas ngayon ay hindi kagaya noong araw. Ngayon, ang matuwid na paghatol ay nagsisilbing kaligtasan ninyo, at bilang mabuting kasangkapan para maibukod-bukod ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong uri, at ang walang awa na pagkastigo ay nagsisilbing inyong sukdulang kaligtasan. Ano ang masasabi ninyo sa harap ng gayong pagkastigo at paghatol? Hindi ba kayo palaging nagtamasa ng pagliligtas, mula simula hanggang wakas? Nakita na ninyo ang Diyos na nagkatawang-tao at napagtanto na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan; at saka, naranasan na ninyo ang paulit-ulit na paghampas at pagdisiplina. Gayunman, hindi ba nakatanggap din kayo ng pinakadakilang biyaya? Hindi ba mas malaki ang inyong mga pagpapala kaysa sa lahat? Ang inyong mga biyaya ay mas sagana pa nga kaysa sa kaluwalhatian at mga kayamanang tinamasa ni Solomon! Pag-isipan ninyo ito: Kung ang Aking layunin sa pagparito ay upang kondenahin at parusahan kayo sa halip na iligtas kayo, nagtagal kaya ang buhay ninyo? Buhay pa kaya hanggang ngayon kayong mga makasalanang nilalang na laman at dugo? Kung ang Aking layon ay para lamang parusahan kayo, bakit pa Ako nagkatawang-tao at nagsimula ng gayon kalaking proyekto? Hindi ba kayong mga walang halaga ay maaaring parusahan sa pagbigkas lamang ng iisang salita? Kakailanganin Ko pa ba kayong lipulin matapos Ko kayong sadyang kondenahin? Hindi pa rin ba kayo naniniwala sa mga salita Kong ito? Maaari Ko bang iligtas ang tao sa pamamagitan lamang ng awa at mapagmahal na kabaitan? O maaari Ko bang gamitin lamang ang pagkakapako sa krus upang iligtas ang tao? Hindi ba mas kapaki-pakinabang ang Aking matuwid na disposisyon para magawang lubos na mapagpasakop ang tao? Hindi ba mas may kakayahan ito na lubusang iligtas ang tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Bitiwan ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 85

Bagama’t mabagsik ang Aking mga salita, ang lahat ng ito ay para sa pagliligtas sa tao, dahil nagpapahayag lamang Ako ng mga salita at hindi Ko pinarurusahan ang laman ng tao. Ang mga salitang ito ay nagiging dahilan upang mabuhay ang tao sa liwanag, upang malaman nila na mayroong liwanag, upang malaman nila na ang liwanag ay mahalaga, at, higit pa rito, upang malaman kung gaano kalaki ang pakinabang ng mga salitang ito sa tao, gayundin upang malaman na ang Diyos ay kaligtasan. Bagama’t nagpahayag na Ako ng maraming salita ng pagkastigo at paghatol, wala pang aktuwal na sumapit sa inyo. Naparito Ako mismo upang gawin ang Aking gawain at ipahayag ang Aking mga salita, at bagama’t mabagsik ang Aking mga salita, ipinapahayag ang mga ito sa paghatol sa inyong katiwalian at paghihimagsik. Ang layunin ng Aking paggawa nito ay nananatiling upang iligtas ang tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang layunin ay ang gamitin ang Aking mga salita upang iligtas ang tao; hindi upang pinsalain ang tao gamit ang Aking mga salita. Ang Aking mga salita ay mabagsik upang magkaroon ng mga resulta sa Aking gawain. Sa pamamagitan lamang ng gayong gawain makikilala ng tao ang sarili nito at makakawala sa mapaghimagsik nitong disposisyon. Ang pinakadakilang kabuluhan ng gawain ng mga salita ay na binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na isagawa ang katotohanan kapag naunawaan nila ito, at sa gayon ay magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon, at magkamit ng pagkakilala sa kanilang sarili at sa gawain ng Diyos. Ang paggawa lamang ng gawain sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita ang magiging tulay sa ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao, at mga salita lamang ang maaaring magpaliwanag sa katotohanan. Ang paggawa sa ganitong paraan ang pinakamahusay na paraan ng paglupig sa tao; bukod sa pagbigkas ng mga salita, wala nang iba pang pamamaraan ang makakapagbigay-kakayahan sa mga tao na maunawaan ang katotohanan at ang gawain ng Diyos nang may higit na kalinawan. Sa gayon, sa huling yugto ng Kanyang gawain, ginagamit ng Diyos ang pamamaraan ng pakikipag-usap sa tao upang ibunyag dito ang lahat ng katotohanan at hiwaga na hindi nito nauunawaan, na nagtutulot na matamo nito mula sa Diyos ang tunay na daan at ang buhay, at sa gayon ay matugunan ang Kanyang mga layunin. Ang layon ng gawain ng Diyos sa tao ay upang bigyang-daan ito na matugunan ang mga layunin ng Diyos, at ginagawa ito para iligtas ang tao. Sa gayon, sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao, hindi Niya ginagawa ang gawain ng pagpaparusa dito. Habang inililigtas ang tao, hindi pinarurusahan ng Diyos ang masama o ginagantimpalaan ang mabuti, ni hindi Niya ibinubunyag ang mga hantungan ng lahat ng uri ng mga tao. Sa halip, kapag kompleto na ang huling yugto ng Kanyang gawain, saka lamang Niya gagawin ang gawain ng pagpaparusa sa masama at paggantimpala sa mabuti, at saka pa lamang Niya ibubunyag ang mga kinalabasan ng lahat ng uri ng mga tao. Iyong mga pinarurusahan ay iyong hindi talaga nagagawang iligtas, samantalang iyong mga inililigtas ay iyong mga nagkamit ng pagliligtas ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao. Habang ginagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas, inililigtas ng Diyos ang bawat isang tao na maaaring iligtas hangga’t posible, at hindi itinatapon ang sinuman sa kanila, dahil ang layon ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay maghahayag para sa mga tao ng lahat ng Daan na hindi nila nauunawaan, pati na ang mga misteryo na hindi nila nauunawaan. Nagbibigay-daan ito sa kanila na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos sa kanila, at na magkaroon ng mga paunang kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik. Ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas, at kung parurusahan ang mga tao sa tuwing mapaghimagsik sila, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas, at ang lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng paggamit ng mga salita para hatulan ang tao ay upang tulutan ito na makilala ang sarili nito at magpasakop ito sa Diyos; hindi ito para parusahan ang tao sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, ilalantad ng maraming tao ang kanilang paghihimagsik at paglaban, gayundin ang kanilang pagsuway at kawalan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang iyong mga lubos na tiwali at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa iilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Iyong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang mapungusan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na mapungusan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong tumanggap sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng ilang pagkakataon para maligtas; sa pagliligtas ng Diyos sa bawat tao ay magiging magaan Siya sa kanila hangga’t maaari. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na kaluwagan. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong makamit ang Kanyang pagliligtas. Noong unang maghimagsik ang mga tao laban sa Diyos, wala Siyang hangad na hampasin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, aabandonahin siya ng Diyos. Kaya hindi madaling nagpaparusa ang Diyos sa isang tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring iligtas. Gumagamit lang Siya ng mga salita para maghatol, magbigay-liwanag, at gumabay sa mga tao; hindi Siya gumagamit ng pamalo para hampasin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layon at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Bitiwan ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 86

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nalalabag, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 87

Sa anong mga kaparaanan isinasakatuparan ang paggawang perpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay pangunahing binubuo ng katuwiran, poot, pagiging maharlika, paghatol, at sumpa, at ginagawa Niyang perpekto ang tao pangunahin sa pamamagitan ng Kanyang paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, “Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba’t mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba’t makokondena ang tao? Kung gayon, paano pa magagawang perpekto ang tao?” Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakakilala sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang paghihimagsik ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita nang hindi man lang isinasaalang-alang ang damdamin ng tao, at inilalantad Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, inilalantad sa pamamagitan ng ilang istriktong salita kung ano ang pinakadiwa sa loob ng tao, sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay sa kasalanan at kay Satanas, ito ay mapaghimagsik, at ito ang layon ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, ang mga salita ng paghatol ng Diyos ay dapat sumapit sa kanya at kailangang gumamit ng lahat ng uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos.

Maaaring makita mula sa mga salitang sinabi ng Diyos na kinondena na Niya ang laman ng tao. Ang mga salita bang ito, kung gayon, ay hindi mga salita ng pagsumpa? Inilalantad ng mga salitang sinabi ng Diyos ang tunay na kulay ng tao, at sa pamamagitan ng gayong paglalantad ay hinahatulan siya, at kapag nakikita niya na hindi niya natutugunan ang mga layunin ng Diyos, nadarama niya sa kanyang kalooban ang pighati at pagsisisi, nadarama niya na napakalaki ng kanyang pagkakautang sa Diyos, at hindi makaaabot sa mga layunin ng Diyos. May mga pagkakataon na dinidisiplina ka ng Banal na Espiritu mula sa iyong kalooban, at ang pagdidisiplinang ito ay nagmumula sa paghatol ng Diyos; may mga pagkakataon na sinasaway ka ng Diyos at itinatago ang Kanyang mukha sa iyo, na hindi ka Niya binibigyang-atensiyon at hindi ka Niya ginagawaan, tahimik kang kinakastigo upang pinuhin ka. Ang gawain ng Diyos sa tao ay pangunahing para ibunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon. Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananalig ng tao; hindi Niya inilagay ang tao sa nakamamatay na sitwasyon, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay iyong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi isinasakatuparan ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang makilala mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang pagiging hamak at pagiging hindi karapat-dapat ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na ibinubunyag Niya sa inyo—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 88

Sa tradisyonal na mga kuru-kuro ng tao, naniniwala siya na ang pag-ibig ng Diyos ay ang Kanyang biyaya, awa, at pagmamalasakit para sa kahinaan ng tao. Bagama’t ang mga bagay na ito ay pag-ibig din ng Diyos, masyadong may isang panig lang ang mga ito, at hindi ang pangunahing kaparaanan na ginagawang perpekto ng Diyos ang tao. Ang ilang tao ay nagsisimulang manampalataya sa Diyos dahil sa karamdaman. Ang karamdamang ito ay ang biyaya ng Diyos para sa iyo; kung wala ito, hindi ka mananampalataya sa Diyos, at kung hindi ka nanampalataya sa Diyos ay hindi ka makararating nang ganito kalayo—at sa gayon ay pag-ibig ng Diyos maging ang biyayang ito. Sa panahon ng pananampalataya kay Jesus, maraming ginawa ang mga tao na hindi kasiya-siya sa Diyos dahil hindi nila naunawaan ang katotohanan, ngunit ang Diyos ay may awa at mapagmahal na kabaitan, at dinala na Niya ang tao nang ganito kalayo, at bagama’t walang nauunawaang anuman ang tao, hinahayaan pa rin ng Diyos ang tao na sumunod sa Kanya, at, bukod pa roon, inakay na Niya ang tao hanggang sa ngayon. Hindi ba ito ang pag-ibig ng Diyos? Iyong namamalas sa disposisyon ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos—tama talaga ito! Nang nasa kasukdulan na ang pagtatayo ng iglesia, ginawa ng Diyos ang hakbang ng gawain ng mga tagapagserbisyo at itinapon ang tao sa walang hanggang hukay. Ang mga salita sa panahon ng mga tagapagserbisyo ay pawang mga sumpa: mga sumpa ng iyong laman, mga sumpa ng iyong satanikong tiwaling disposisyon, at mga sumpa ng mga bagay tungkol sa iyo na hindi nakakatugon sa mga layunin ng Diyos. Ang ipinahayag ng Diyos sa hakbang na iyon ng Kanyang gawain ay pagiging maharlika, at hindi nagtagal pagkatapos noon ay isinagawa Niya ang hakbang ng gawain ng pagkastigo, at sumapit ang pagsubok ng kamatayan. Sa gayong gawain, nakita ng tao ang poot, pagiging maharlika, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, ngunit nakita rin niya ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang mapagmahal na kabaitan, at Kanyang awa. Ang lahat ng ginawa ng Diyos, at ang disposisyong ipinamalas Niya, ay pag-ibig ng Diyos para sa tao, at lahat ng ginawa ng Diyos ay nagawang tugunan ang mga pangangailangan ng tao. Ginawa Niya ito upang gawing perpekto ang tao, at naglaan Siya para sa tao ayon sa tayog nito. Kung hindi ito nagawa ng Diyos, mananatiling walang kakayahan ang tao na lumapit sa harap ng Diyos at hindi ito magkakaroon ng paraan para malaman ang tunay na mukha ng Diyos. Mula nang unang simulan ng tao na manampalataya sa Diyos hanggang sa ngayon, unti-unti nang naglaan ang Diyos para sa tao alinsunod sa tayog ng tao, kaya nga, sa kalooban, unti-unti na Siyang nakilala ng tao. Sa pagdating lamang sa araw na ito napagtatanto ng tao kung gaano kahanga-hanga ang paghatol ng Diyos. Ang hakbang ng gawain ng mga tagapagserbisyo ay ang unang pangyayari ng gawain ng pagsumpa mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon. Isinumpa ng Diyos na itapon ang tao sa walang hanggang hukay. Kung hindi iyon nagawa ng Diyos, wala sanang tunay na pagkakilala ang tao tungkol sa Diyos ngayon; sa pamamagitan lamang ng pagsumpa ng Diyos opisyal na naranasan ng tao ang Kanyang disposisyon. Ibinunyag ang tao sa pamamagitan ng pagsubok sa mga tagapagserbisyo. Nakita niya na ang katapatan niya ay nagkukulang, na ang tayog niya ay napakaliit, na wala siyang kakayahang tugunan ang mga layunin ng Diyos, at na sinabi lang niya nang pasalita na dapat niyang mapalugod ang Diyos sa lahat ng oras. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao sa hakbang ng gawain ng mga tagapagserbisyo, kung gugunitain ngayon, ang hakbang ng gawaing iyon ng Diyos ay kahanga-hanga: Nagdulot ito ng isang malaking punto ng pagbabago para sa tao, at nagsanhi ng isang malaking pagbabago sa kanyang buhay disposisyon. Bago ang panahon ng mga tagapagserbisyo, walang naunawaang anuman ang tao tungkol sa paghahangad sa buhay, kung ano ang kahulugan ng manampalataya sa Diyos, o ang karunungan ng gawain ng Diyos, ni hindi niya naunawaan na maaaring subukin ng Diyos ang tao sa Kanyang gawain. Mula sa panahon ng mga tagapagserbisyo hanggang sa ngayon, nakikita ng tao kung gaano kamangha-mangha ang gawain ng Diyos, nakikita na hindi ito maaarok, at nakikita ng tao na hindi niya kayang ilarawan sa isip gamit ang kanyang utak kung paano gumagawa ang Diyos. Nakikita rin niya kung gaano kababa ang kanyang tayog, at na napakarami ng kanyang paghihimagsik. Nang isumpa ng Diyos ang tao, ito ay upang matamo ang isang epekto, at hindi Niya kinitil ang buhay nito. Bagama’t isinumpa Niya ang tao, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita; wala talagang sumapit sa tao, sapagkat ang isinumpa ng Diyos ay ang paghihimagsik ng tao, kaya nga ang mga salita ng Kanyang mga sumpa ay sinambit din upang gawing perpekto ang tao. Hinahatulan man ng Diyos ang tao o isinusumpa siya, parehong ginagawa nitong perpekto ang tao: Parehong ginagawa ito upang gawing perpekto iyong hindi dalisay sa kalooban ng tao. Sa pamamagitan ng kaparaanang ito ang tao ay pinipino, at iyong kulang sa kalooban ng tao ay ginagawang perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng ganitong gawain ang Diyos sa lahat ng kapanahunan at salinlahi; ngayon, gumagawa Siya sa inyo at ipinapaunawa sa inyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagdusa kayo ng ilang pasakit sa loob ninyo, palaging matatag at payapa ang nararamdaman ng inyong puso; ang katunayang natatamasa ninyo ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay inyong mabuting kapalaran. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, nakikita ninyo na ang lahat ng gawain ng Diyos sa inyo ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, gumagawa lang ng mga bagay-bagay sa panlabas at nagpapakita ng panlabas na kasigasigan, habang hindi kailanman nagbabago ang kanyang disposisyon, maituturing ba ito na nakamit ng Diyos ang tao? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kahambugan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinupungusan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, pagdating ng araw na nagbago na ang iyong disposisyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang layunin ng Diyos. Sa ngayon, may ilang taong nagsasabi na nauunawaan nila ang layunin ng Diyos, ngunit hindi iyon masyadong makatotohanan. Nagsasabi sila ng mga kasinungalingan. Ito ay dahil, sa kasalukuyan, hindi pa nila nauunawaan kung ang layunin ng Diyos ay upang iligtas ang tao o isumpa ang tao. Marahil ay hindi mo ito nakikita nang malinaw ngayon, ngunit pagdating ng araw na makita mong sumapit na ang araw na nagkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos, at makita mo kung gaano kamakabuluhan ang mahalin ang Diyos—sapagkat tinutulutan ka nitong makilala ang buhay ng tao, at tinutulutan ang iyong laman na mamuhay sa mundo ng pagmamahal sa Diyos, kung saan nakasusumpong ng paglaya ang iyong espiritu, napupuno ng kagalakan ang iyong buhay, at palagi kang lumalapit sa Diyos at bumabaling sa Kanya—saka mo tunay na malalaman ang napakalaking halaga ng gawaing ginagawa ngayon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 89

Ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas at sa kanilang sinaunang ninuno. Ang lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Ang bawat paghatol ay may tuwirang kaugnayan sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala nila ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang layon ng ganitong paghatol ay ang gisingin ang espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at pinakalubhang nalinlang. Ang tao ay walang espiritu, na ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi niya nalalamang siya ay nagpupumiglas sa abismo ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob ng masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na ang nabubulok na bangkay niyang ito ay nahulog na sa Hades ng kamatayan matapos itong gawing tiwali ni Satanas? Paano niya malalaman na ang lahat ng bagay sa lupa ay matagal nang nawasak ng sangkatauhan na hindi na maaayos? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay pumarito sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga taong natiwali na maaari Niyang iligtas? Bagama’t naranasan na ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang manhid na kamalayan ay nananatili pa ring ganap na hindi natitinag at halos hindi tumutugon. Napakatiwali ng tao! At bagama’t ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong napakalaking pakinabang sa tao. Kung hindi hahatulan nang ganito ang mga tao, hindi matatamo ang bunga, at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa kailaliman ng paghihirap. Kung hindi gagawa nang ganito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades, dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog na sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas; saka lamang maaaring magising ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 90

Sa pamamagitan lamang ng pagiging tao ng Diyos sa pinakapaurong at pinakamaruming mga lugar maihahayag ng Diyos ang kabuuan ng Kanyang banal at matuwid na disposisyon. At sa pamamagitan ng ano naibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon? Naibubunyag ito sa pamamagitan ng paghatol Niya sa mga kasalanan ng tao, paghatol Niya kay Satanas, pagkasuklam Niya sa kasalanan, at pagkamuhi Niya sa mga kaaway na lumalaban at naghihimagsik laban sa Kanya. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, at upang sumpain ang paghihimagsik ng tao at ang pagiging baliko at panlilinlang ng tao. Ang lahat ng hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos sa mga salita at gawa ng tao ay kailangang isailalim sa paghatol, at ang lahat ng paghihimagsik ng tao ay inilalarawan bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang pagsumpa sa paghihimagsik ng tao, at ang paglalantad sa lahat ng pangit na mukha ng tao upang ipamalas ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang representasyon ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan, ang kabanalan ng Diyos ay ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ay ang konteksto ng mga salita ngayon—Ako ay nagsasalita at humahatol, at nagsasagawa ng gawain ng paglupig ayon sa mga ito. Ito lamang ang praktikal na gawain, at sa paraan lamang na ito lubos na mapapatingkad ang kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Sapagkat mayroon kang mga tiwaling disposisyon, hindi ka palalampasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito naipapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at paghihimagsik ng tao ngunit hindi Siya magsasalita o hahatol sa iyo, ni hindi ka Niya kakastiguhin dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil wala Siyang pagkamuhi sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at paghihimagsik mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, tulad ng mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nakikita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang pagiging matuwid kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo sa nakikita Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan kaya Niya ibinubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang karumihan at katiwalian ng sangkatauhan ay nagbubunyag ng Kanyang kabanalan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at busilak, ngunit namumuhay sa lupain ng karumihan. Kung nagtatampisaw ang isang tao sa putikan na kasama ng iba, at walang anumang banal tungkol sa kanya, at wala siyang matuwid na disposisyon, kung gayon, hindi siya kalipikadong hatulan ang pagiging hindi matuwid ng tao, ni hindi siya angkop na magsagawa ng paghatol sa tao. Paanong magiging kalipikado ang mga taong pare-parehong marumi na hatulan iyong mga kagaya nila? Tanging ang banal na Diyos Mismo ang makakapaghatol sa buong maruming sangkatauhan. Paanong hahatulan ng tao ang mga kasalanan ng tao? Paanong makikita ng tao ang mga kasalanan ng tao, at paanong magiging kalipikado ang tao na kondenahin ang tao? Kung hindi kalipikado ang Diyos na hatulan ang mga kasalanan ng tao, paano Siya magiging ang matuwid na Diyos Mismo? Dahil nagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao kaya nangungusap ang Diyos upang hatulan sila, at saka lamang nila makikita na Siya ay isang banal na Diyos. Hinahatulan at kinakastigo ng Diyos ang tao dahil sa mga kasalanan nito, at inilalantad Niya ang mga kasalanang ito. Walang tao o bagay ang makakatakas sa paghatol na ito. Ang lahat ng marumi ay hinahatulan Niya. Sa paraan lamang na ito naibubunyag na matuwid ang disposisyon ng Diyos. Kung hindi, paano masasabi na kayo ay mga hambingan kapwa sa pangalan at katunayan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 91

Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng gawaing ginawa sa Israel at ng gawain sa ngayon. Ginabayan ni Jehova ang buhay ng mga Israelita, at walang gaanong pagkastigo at paghatol, dahil sa panahong iyon, napakakaunti ng naunawaan ng mga tao tungkol sa mundo at mayroon silang kakaunting tiwaling disposisyon. Noon, ganap na sinunod ng mga Israelita si Jehova. Nang sabihin Niya sa kanila na magtayo ng mga altar, agad silang nagtayo ng mga altar; nang sabihin Niya sa kanila na magsuot ng mga balabal ng mga saserdote, sumunod sila. Sa mga araw na iyon, si Jehova ay parang isang pastol na nag-aalaga sa isang kawan ng mga tupa, kung saan ang mga tupa ay sumusunod sa paggabay ng pastol at kumakain ng damo sa pastulan; ginabayan ni Jehova ang buhay nila, pinapatnubayan sila kung paano sila kumain, magbihis, manirahan, at maglakbay. Hindi iyon ang panahon ng pagbubunyag sa disposisyon ng Diyos, sapagkat ang sangkatauhan noong panahong iyon ay bagong silang; kakaunti ang mapaghimagsik at lumalaban, walang gaanong karumihan sa sangkatauhan, kaya nga ang mga tao ay hindi makapagsilbing isang hambingan sa disposisyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga taong nanggagaling sa lupain ng karumihan, naipapakita ang kabanalan ng Diyos; ngayon, ginagamit Niya ang karumihang ibinubunyag ng mga taong ito sa lupain ng karumihan, at Siya ay humahatol, at sa gayon ay naibubunyag kung ano Siya sa gitna ng paghatol. Bakit Siya humahatol? Kaya Niyang sambitin ang mga salita ng paghatol dahil kinapopootan Niya ang kasalanan; paanong galit na galit Siya kung hindi Niya kinapopootan ang paghihimagsik ng sangkatauhan? Kung walang pagkapoot sa loob Niya, walang pagkasuklam, kung hindi Niya papansinin ang paghihimagsik ng mga tao, patutunayan niyon na kasingdumi Siya ng tao. Nahahatulan at nakakastigo Niya ang tao dahil kinapopootan Niya ang karumihan, at ang kinapopootan Niya ay wala sa Kanya. Kung mayroon ding paglaban at paghihimagsik sa Kanya, hindi Niya kapopootan iyong mga lumalaban at mapaghimagsik. Kung ang gawain ng mga huling araw ay isinasagawa pa rin sa Israel, hindi ito magkakaroon ng kabuluhan. Bakit ginagawa ang gawain ng mga huling araw sa Tsina, ang pinakamadilim at pinakaatrasadong lugar sa lahat? Iyon ay upang ibunyag ang Kanyang kabanalan at pagiging matuwid. Sa madaling salita, kapag mas madilim ang isang lugar, mas naibubunyag ang kabanalan ng Diyos. Sa katunayan, lahat ng ito ay alang-alang sa gawain ng Diyos. Ngayon lamang ninyo napagtatanto na bumaba na ang Diyos mula sa langit upang tumayo sa gitna ninyo, na nakikita sa inyong karumihan at paghihimagsik, at ngayon lamang ninyo nakikilala ang Diyos. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpaparangal? Sa katunayan, isa kayong grupo ng mga tao sa Tsina na napili. At dahil kayo ay napili at nagtamasa ng biyaya ng Diyos, at dahil hindi kayo angkop na magtamasa ng gayon kalaking biyaya, pinatutunayan nito na lahat ng ito ay ang pinakadakilang pagpaparangal sa inyo. Nagpakita na ang Diyos sa inyo, at ibinunyag Niya sa inyo ang Kanyang banal na disposisyon sa kabuuan nito, at ibinigay na Niya sa inyo ang lahat ng iyon, at pinatamasa sa inyo ang lahat ng pagpapalang maaari ninyong tamasahin. Hindi lamang ninyo natikman ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kundi, higit pa riyan, natikman ninyo ang pagliligtas ng Diyos, ang pagtubos ng Diyos at ang walang-hangganan at walang-katapusang pagmamahal sa Diyos. Kayo, na pinakamarumi sa lahat, ay nagtamasa na ng gayon kalaking biyaya—hindi ba kayo pinagpala? Hindi ba ito pagtataas ng Diyos sa inyo? Kayo ang may pinakamababang kalagayan sa lahat; kayo ay likas na hindi karapat-dapat magtamasa ng gayon kalaking pagpapala, subalit gumawa na ng eksepsyon ang Diyos sa pamamagitan ng pagtataas sa iyo. Hindi ka ba nahihiya? Kung wala kang kakayahang tuparin ang iyong tungkulin, sa huli ay ikahihiya mo ang iyong sarili, at parurusahan mo ang iyong sarili. Ngayon, hindi ka dinidisiplina, ni hindi ka pinarurusahan; ligtas at malusog ang iyong laman—ngunit sa huli, dadalhin ka ng mga salitang ito sa kahihiyan. Sa ngayon, hayagan Ko pang kakastiguhin ang sinuman; maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ngunit paano Ko pinakikitunguhan ang mga tao? Inaaliw Ko sila, at pinapayuhan sila, at pinaaalalahanan sila. Wala nang ibang dahilan kaya Ko ito ginagawa kundi para iligtas kayo. Talaga bang hindi ninyo nauunawaan ang Aking mga layunin? Dapat ninyong maunawaan ang sinasabi Ko, at mabigyang-inspirasyon nito. Ngayon lamang maraming taong nakakaunawa. Hindi ba ito ang pagpapala ng pagiging isang hambingan? Hindi ba pagiging isang hambingan ang pinaka-pinagpalang bagay? Sa huli, kapag humayo kayo upang ipangaral ang ebanghelyo, sasabihin ninyo ito: “Mga tipikal na hambingan kami.” Tatanungin nila kayo, “Ano ang ibig sabihin ng tipikal na hambingan kayo?” At sasabihin mo: “hambingan kami sa gawain ng Diyos, at sa Kanyang dakilang kapangyarihan. Ang kabuuan ng matuwid na disposisyon ng Diyos ay inilalantad ng aming paghihimagsik; kami ang mga gamit-panserbisyo ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, kami ang mga galamay ng Kanyang gawain, at ang mga kasangkapan din nito.” Kapag naririnig nila iyon, magtataka sila. Sumunod, sasabihin mo: “Kami ang mga halimbawa at huwaran sa pagtatapos ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob, at sa Kanyang paglupig sa buong sangkatauhan. Banal man kami o marumi, sa kabuuan, kami pa rin ang mas pinagpala kaysa sa inyo, dahil nakita na namin ang Diyos, at sa pamamagitan ng pagkakataong lupigin Niya kami, nakikita ang dakilang kapangyarihan ng Diyos; dahil lamang sa kami ay marumi at tiwali kaya napasimulan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kaya ba ninyong magpatotoo nang ganoon sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Hindi kayo nararapat! Ito ay walang iba kundi ang pagpaparangal sa amin ng Diyos! Bagama’t maaaring hindi kami mapagmataas, maaari naming mapagmalaking purihin ang Diyos, dahil walang sinumang maaaring magmana ng gayon kalaking pangako, at walang sinumang maaaring magtamasa ng gayon kalaking pagpapala. Labis kaming nagpapasalamat na kami, na napakarumi, ay maaaring gumawa bilang mga hambingan sa panahon ng pamamahala ng Diyos.” At kapag itinanong nila, “Ano ang mga halimbawa at huwaran?” sasabihin mo, “Kami ang pinakamapaghimagsik at pinakamarumi sa buong sangkatauhan; nagawa kaming lubhang tiwali ni Satanas, at kami ang pinakapaurong at pinakaaba sa lahat ng laman. Kami ang mga klasikong halimbawa ng mga nakasangkapan ni Satanas. Ngayon, napili kami ng Diyos na unang lupigin sa buong sangkatauhan, at namasdan namin ang matuwid na disposisyon ng Diyos at namana ang Kanyang pangako; kinakasangkapan kami upang lupigin ang mas marami pang tao, sa gayon ay kami ang mga halimbawa at huwaran ng mga nalupig sa buong sangkatauhan.” Wala nang mas mainam na patotoo kaysa sa mga salitang ito, at ito ang iyong pinakamagandang karanasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 92

Ang gawain ng paglupig na ginawa sa inyong mga tao ang may pinakamalalim na kabuluhan: Sa isang banda, ang layunin ng gawaing ito ay upang gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao, ibig sabihin, upang gawin silang perpekto, para maging isang grupo sila ng mga mananagumpay—bilang unang grupo ng mga tao na nagawang ganap, ibig sabihin ay mga unang bunga. Sa kabilang banda, ito ay upang hayaang matamasa ng mga nilikha ang pagmamahal ng Diyos, matanggap ang lubos at pinakadakilang pagliligtas ng Diyos, at matamasa hindi lamang ang awa at mapagmahal na kabaitan ng Diyos, kundi ang mas mahalaga ay ang pagkastigo at paghatol. Mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, lahat ng nagawa ng Diyos sa Kanyang gawain ay pagmamahal, na walang anumang pagkapoot sa tao. Kahit ang pagkastigo at paghatol na nakita mo ay pagmamahal din, isang mas totoo at mas tunay na pagmamahal, isang pagmamahal na umaakay sa mga tao patungo sa tamang landas ng buhay ng tao. Sa isa pang banda, iyon ay upang magpatotoo sa harap ni Satanas. At sa isang banda pa rin, iyon ay upang magtatag ng isang pundasyon para sa pagpapalaganap ng gawain ng ebanghelyo sa hinaharap. Lahat ng gawaing Kanyang ginawa ay para sa layunin ng pag-akay sa mga tao sa tamang landas ng buhay ng tao, upang maaari silang mamuhay ng normal na buhay ng tao, sapagkat hindi alam ng mga tao kung paano mamuhay, at kung wala ang ganitong paggabay, mamumuhay ka lang ng hungkag na buhay; mawawalan ng halaga o kabuluhan ang iyong buhay, at lubos kang walang kakayahang maging normal na tao. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng paglupig sa tao. Lahat kayo ay mga inapo ni Moab; ang pagsasagawa sa inyo ng gawain ng paglupig ay ang inyong dakilang kaligtasan. Lahat kayo ay naninirahan sa isang lupain ng kasalanan at kahalayan, at lahat kayo ay mahalay at makasalanan. Ngayon ay hindi lamang ninyo nagagawang makita ang Diyos, kundi ang mas mahalaga, natanggap ninyo ang pagkastigo at paghatol, natanggap ninyo itong pinakamalalim na kaligtasan, ibig sabihin, natanggap ninyo ang pinakadakilang pagmamahal ng Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tunay na pagmamahal para sa inyo. Wala Siyang masamang intensyon. Dahil sa inyong mga kasalanan kaya Niya kayo hinahatulan, upang magawa ninyong pagnilayan ang inyong sarili at tanggapin ang napakalaking kaligtasan na ito. Lahat ng gawaing ito ay ginagawa para gawing ganap ang tao. Mula simula hanggang wakas, ginagawa na ng Diyos ang Kanyang buong makakaya upang iligtas ang tao, at sadyang wala Siyang pagnanais na ganap na lipulin ang mga taong Kanyang nilikha gamit ang sarili Niyang mga kamay. Ngayon, naparito Siya sa gitna ninyo upang gumawa; hindi ba’t mas pagliligtas ito? Kung kinamuhian Niya kayo, gagawa pa ba Siya ng gayon kalaking gawain para personal kayong gabayan? Bakit Niya kailangang magdusa nang gayon? Hindi kayo kinamumuhian ng Diyos o wala Siyang anumang masasamang intensyon sa inyo. Dapat ninyong malaman na ang pagmamahal ng Diyos ang pinakatunay. Dahil lamang mapaghimagsik ang mga tao kaya Niya sila kailangang iligtas sa pamamagitan ng paghatol; kung hindi, magiging imposible pa rin na iligtas sila. Dahil hindi ninyo alam kung paano mamuhay ng buhay ninyo at wala kayong malay kung paano mamuhay, at dahil kayo ay namumuhay sa mahalay at makasalanang lupaing ito at kayo mismo ay mahahalay at maruruming diyablo, hindi Niya matiis na hayaan kayong lalong masadlak, hindi Niya matiis na makita kayong namumuhay sa maruming lupaing ito tulad ngayon, na niyuyurakan ni Satanas kung naisin nito, at hindi Niya matiis na hayaan kayong mahulog sa Hades. Nais lamang Niyang makamit ang grupong ito ng mga tao at lubusan kayong iligtas. Ito ang pangunahing layunin ng paggawa ng gawain ng paglupig sa inyo—ito’y para sa kaligtasan. Kung hindi mo makita na lahat ng ginawa sa iyo ay pagmamahal at pagliligtas, kung iniisip mo na isa lamang itong pamamaraan, isang paraan upang pahirapan ang tao, at isang bagay na hindi mapagkakatiwalaan, mas mabuti pang bumalik ka na sa iyong mundo upang magdanas ng pasakit at paghihirap! Kung handa kang magtamasa sa loob ng daloy na ito, ng paghatol na ito at napakalawak na pagliligtas na ito, at ang lahat ng pagpapalang hindi matatagpuan saanman sa mundo ng tao, at ang pagmamahal na ito, kung gayon, maging masunurin: Mamalagi sa daloy na ito para tanggapin ang gawain ng paglupig upang magawa kang perpekto. Ngayon, dumaranas ka ng kaunting pasakit at pagpipino dahil sa paghatol ng Diyos, ngunit may halaga at kabuluhan ang pagdanas ng pasakit na ito. Bagama’t sa tao, ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay pagpipino, walang-awang paglalantad, at mga bagay na isinasakatuparan para sa layon ng pagpaparusa sa kanya para sa kanyang mga kasalanan at pagpaparusa sa kanyang laman, wala sa gawaing ito ang naglalayong kondenahin ang kanyang laman at wasakin ito. Ang malupit na paglalantad ng salita ay para lahat sa layon na akayin ka sa tamang landas. Personal na ninyong naranasan ang napakarami sa gawaing ito at, malinaw, hindi kayo naakay nito sa isang masamang landas! Lahat ay upang maisabuhay mo ang normal na pagkatao, at magagawa ang lahat ng ito ng iyong normal na pagkatao. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos ay batay sa iyong mga pangangailangan, ayon sa iyong mga kahinaan, at ayon sa iyong aktuwal na tayog, at walang pasaning ipinipilit sa inyo na hindi ninyo kakayanin. Hindi ito malinaw sa iyo ngayon, at pakiramdam mo ay tila pinapahirapan kita, at palagi mong iniisip na ang dahilan kung bakit ka kinakastigo, hinahatulan, at sinasaway araw-araw ay dahil kinamumuhian kita. Ngunit kahit ang tinatanggap mo ay pagkastigo at paghatol, ang totoo ay pagmamahal ito sa iyo, at ito ang pinakamalaking proteksyon. Kung hindi mo maaarok ang mas malalim na kahulugan ng gawaing ito, imposibleng magpatuloy ka pa sa iyong pagdanas. Dapat kang magkamit ng kaaliwan mula sa pagliligtas na ito. Huwag mong ipagpilitan ang iyong mga maling paniniwala. Yamang umabot ka na rito, dapat mong malinawan ang kahalagahan ng gawain ng paglupig, at wala ka na dapat mga opinyon tungkol dito sa anumang paraan!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (4)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 93

Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—na ibig sabihin, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang papasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos; yamang ganoon, ang lahat ng papasok sa kapahingahan ay nakawala na sa impluwensiya ni Satanas at nakamit na ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa huli ay nakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Sa diwa, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol upang dalisayin ang sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay matutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mabubuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mabubuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, lilipulin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi nailigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pamamahinga. Para naman sa mga espiritu at tao na ito na gumagawa ng masama, o mga espiritu ng matutuwid na tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang panahon, sa huli, ang lahat ng masama ay lilipulin, at ang lahat ng matuwid ay mananatiling buhay. Kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan batay sa gawain ng huling kapanahunan; sa halip, tinutukoy ito batay sa kung sila ba ay lumaban o naghimagsik sa Diyos o hindi. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi maliligtas ay tiyak na magiging mga target ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maililigtas ay tiyak na magiging mga target din ng kaparusahan. Ang mga tao ay inuuri ayon sa kabutihan at kasamaan, at hindi sa kung anong panahon sila nabubuhay. Kapag nauri na nang gayon, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan; sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti kapag natapos na Niyang maisakatuparan ang gawain Niya ng paglupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matutuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain; hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkaraang matapos ang Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang sisimulan ang gampanin ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang natapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang madala Niya ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi lilipulin ng Diyos ang masasama, at sa halip ay papayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas kamangha-manghang mundo. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang buong sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 94

Ang mga yapak Ko ay lumalakad sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo, laging sinusuri ng Aking mga mata ang bawat isang tao, at, bukod pa roon, pinagmamasdan Ko ang sansinukob bilang isang kabuuan. Ang Aking mga salita ay kumikilos sa bawat sulok ng sansinukob. Sinuman ang naghahamong huwag Akong paglingkuran, sinuman ang naghahamong hindi maging tapat sa Akin, sinumang naghahamong magbigay ng hatol sa Aking pangalan, at sinumang naghahamong mang-alimura at manirang-puri sa Aking mga anak—yaong mga tunay na may kakayahang gumawa ng ganyang mga bagay ay dapat na makaranas ng matinding paghatol. Ang Aking paghatol ay mangyayari nang lubusan, na nangangahulugan na ngayon ay ang kapanahunan ng paghatol, at, sa pamamagitan ng masusing obserbasyon, matutuklasan mo na ang Aking paghatol ay sumasaklaw sa kabuuan ng sansinukob. Mangyari pa, ang Aking tahanan ay hindi maliliban; yaong may mga kaisipan, mga salita, o mga kilos na hindi umaayon sa Aking mga layunin ay hahatulan. Unawain ninyo ito! Ang Aking paghatol ay nakadirekta sa buong mundo ng sansinukob, hindi lamang sa isang grupo ng mga tao o mga bagay. Ito ba ay napagtanto mo na? Kung sa kaibuturan mo ay nag-aalangan ka sa mga saloobin mo tungkol sa Akin, mahahatulan kaagad ang iyong kalooban.

Ang Aking paghatol ay dumarating sa lahat ng hugis at anyo. Alamin ninyo ito! Ako ang natatangi at marunong na Diyos ng mundo ng sansinukob! Wala nang hihigit pa sa Aking kapangyarihan. Ang Aking mga paghatol ay pawang naibubunyag sa inyo: Kung nag-aalangan kayo sa Akin sa inyong isipan, liliwanagan kita, bilang isang babala. Kung hindi ka makinig, agad kitang iiwan (dito, hindi Ko tinutukoy ang pagdududa sa Aking pangalan, kundi ang mga panlabas na kagawiang may kaugnayan sa mahahalay na kaluguran). Kung ang iyong mga saloobin sa Akin ay mapanlaban, kung nagrereklamo ka sa Akin, kung paulit-ulit mong tinatanggap ang mga ideya ni Satanas, at kung hindi mo sinusunod ang mga damdamin ng buhay, ang iyong espiritu ay mapupunta sa kadiliman at ang iyong laman ay magdurusa ng sakit. Dapat na mas malapit ka sa Akin. Imposibleng maibalik mo ang iyong normal na kalagayan sa isa o dalawang araw lamang, at ang iyong buhay ay mahahalatang unti-unting babagsak. Yaon namang masasamang magsalita, didisiplinahin Ko ang inyong mga bibig at dila, at isasailalim Ko ang mga dila ninyo sa pagpupungos. Yaong mga hindi mapigil sa masasamang gawa ay Aking babalaan sa inyong mga espiritu, at yaong mga hindi nakikinig ay kakastiguhin Ko nang matindi. Yaong hayagang humahatol at lumalaban sa Akin, ibig sabihin yaong nagpapakita ng kawalan ng pagpapasakop sa salita o sa gawa, Akin silang ititiwalag at aabandonahin nang lubusan, dahilan upang mapahamak sila at mawalan ng mga pangunahing biyaya; ito ang mga ititwalag pagkatapos mapili. Yaong mga mangmang, ibig sabihin yaong may mga pangitain na hindi malinaw, liliwanagan Ko pa sila at ililigtas; ngunit yaong nakakaintindi ng katotohanan subalit hindi isinasagawa ito ay pangangasiwaan alinsunod sa mga nasabing tuntunin, mangmang man sila o hindi. Samantalang yaong mga tao na ang mga intensyon ay mali na sa simula pa lamang, titiyakin Kong hindi nila kakayaning makaunawa ng realidad kailanman, at, kalaunan, sila ay ititiwalag nang unti-unti, isa-isa. Walang maiiwan, bagama’t mananatili sila ngayon sa pamamagitan ng Aking pagsasaayos (sapagkat hindi Ako gumagawa ng mga bagay nang padalos-dalos, ngunit manapa’y sa isang maayos na kayarian).

Ang Aking paghatol ay ibinubunyag nang lubusan; ipinahahatid ito sa iba’t ibang tao, na kinakailangang magsiluklok lahat sa kanilang tamang mga lugar. Pangangasiwaan at hahatulan Ko ang mga tao alinsunod sa kung aling tuntunin ang kanilang nilabag. Samantalang yaong wala sa ngalang ito at hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw, iisang tuntunin lamang ang inilalapat: Babawiin Ko agad ang mga espiritu, kaluluwa at katawan ng sinumang sumusuway sa Akin at itatapon sila sa Hades; ang sinumang hindi sumusuway sa Akin, hihintayin Ko kayong gumulang bago isagawa ang isang pangalawang paghatol. Ipinapaliwanag ng Aking mga salita ang lahat nang buong linaw at walang itinatago. Nais Ko lamang na palagi ninyong isaisip ang mga ito!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 67

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 95

Ang mga huling araw ay kung kailan ang lahat ng bagay ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri sa pamamagitan ng paglupig. Ang paglupig ay ang gawain sa mga huling araw; sa ibang salita, ang paghatol sa mga kasalanan ng bawat tao ay ang gawain sa mga huling araw. Kung hindi, paano maibubukod-bukod ang mga tao ayon sa kanilang uri? Ang gawain ng pagbubukod-bukod ng bawat isa ayon sa kanilang uri na ginagawa sa gitna ninyo ay ang umpisa ng gayong gawain sa loob ng buong sansinukob. Pagkatapos nito, ang mga tao ng lahat ng lupain at lahat ng bayan ay kakailanganin ding tanggapin ang gawain ng paglupig. Nangangahulugan ito na ang bawat tao sa sangnilikha ay kakailanganing ibukod-bukod ayon sa kanilang uri at magpasailalim sa harap ng hukumang-luklukan upang mahatulan. Walang tao at walang bagay ang makakatakas sa pagdurusa ng pagkastigo at paghatol na ito, at wala ring sinumang tao o bagay ang hindi ibubukod-bukod ayon sa uri nito; ang bawat tao ay kaklasipikahin, dahil ang mga kinalabasan ng lahat ng bagay ay nalalapit na, at ang buong sansinukob ay nakarating na sa pagtatapos nito. Paano makatatakas ang tao sa araw kung kailan ang pag-iral ng tao ay magwawakas na? Kaya, gaano pa tatagal ang inyong mga paghihimagsik? Hindi ba’t nasa mismong harapan na ninyo ngayon ang inyong huling araw? Paanong hindi makikita ng mga natatakot sa Diyos at nasasabik na magpakita Siya ang araw ng pagpapakita ng katuwiran ng Diyos? Paanong hindi nila matatanggap ang huling gantimpala para sa kabutihan? Ikaw ba ay isa na gumagawa ng mabuti, o isa na gumagawa ng masama? Ikaw ba ay isa na tumatanggap ng matuwid na paghatol at pagkatapos ay nagpapasakop, o ikaw ba ay isa na tumatanggap ng matuwid na paghatol at pagkatapos ay sinusumpa? Namumuhay ka ba sa harap ng hukumang-luklukan sa liwanag, o namumuhay ka ba sa Hades sa gitna ng kadiliman? Hindi ba ikaw mismo ang nakakaalam nang pinakamalinaw kung ang iyong kalalabasan ay gantimpala o kaparusahan? Hindi ba ikaw ang isa na nakaaalam nang pinakamalinaw at nakauunawa nang pinakamalalim na ang Diyos ay matuwid? Kaya, ano ba talaga ang kalagayan ng iyong pag-uugali at puso? Habang nilulupig kita ngayon, kailangan mo pa ba talagang idetalye Ko para sa iyo kung ang iyong pag-uugali ay mabuti o masama? Gaano na karami ang iyong naisuko para sa Akin? Gaano kalalim ang pagsamba mo sa Akin? Hindi ba’t alam na alam mo sa sarili mo kung paano ka umaasal tungo sa Akin? Dapat mas alam mo kaysa kaninuman kung ano mismo ang iyong kalalabasan sa huli! Totohanang sinasabi Ko sa iyo: Nilikha Ko lamang ang sangkatauhan, at ikaw ay nilikha Ko, ngunit hindi Ko kayo ipinasa kay Satanas; at hindi Ko rin sinadyang paghimagsikin kayo laban sa Akin o labanan ninyo Ako at sa gayon ay maparusahan Ko. Hindi ba’t ang lahat ng kalamidad na ito ang napapala ninyo dahil sa pagiging masyadong mapagmatigas ng kalooban ninyo at pagiging masyadong kasuklam-suklam ng asal ninyo? Kaya, hindi ba’t magagawa rin ninyong pagpasyahan ang kalalabasan na makukuha ninyo? Hindi ba nalalaman ninyo sa inyong mga puso, higit sa kaninuman, kung ano ang kalalabasan ninyo? Ang dahilan kung bakit nilulupig Ko ang mga tao ay upang ibunyag sila, at upang mas mabigyan ka ng kaligtasan. Hindi ito upang pagawain ka ng masama, ni sadyang palakarin ka papunta sa impiyerno ng pagkawasak. Pagdating ng panahon, ang iyong matinding pagdurusa, ang pagtangis at pagngangalit ng iyong mga ngipin—hindi ba ang lahat ng ito ay dahil sa iyong mga kasalanan? Kaya, hindi ba ang iyong sariling kabutihan o ang iyong sariling kasamaan ang pinakamahusay na paghatol sa iyo? Hindi ba’t ito ang katibayan na pinakamainam na makapagbubunyag sa iyong kalalabasan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Totoong Kuwentong Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig (1)

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 96

Isang dumadagundong na tinig ang lumalabas, niyayanig ang buong sansinukob, nakabibingi sa tainga, at wala nang oras pa ang mga tao para maiwasan ito. Ang ilan ay hinahampas, ang ilan ay nililipol, at ang ilan ay hinahatulan. Talagang isa itong eksena na wala pang nakakakita. Makinig nang mabuti: Ang mga dagundong ng kulog ay may kasamang tunog ng pagtangis, at ang tunog na ito ay nagmumula sa Hades; mula ito sa impiyerno. Ito ang mapait na pag-iyak ng mga anak ng paghihimagsik na nahatulan Ko na. Yaong mga hindi nakinig sa Aking sinasabi at hindi isinagawa ang Aking mga salita ay mahigpit nang hinatulan at tumanggap ng sumpa ng Aking poot. Ang Aking tinig ay paghatol at poot; hindi ito nagpapakita ng kaluwagan sa sinuman, at hindi nagpapakita ng awa sa sinuman, sapagkat Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at Ako ay nagtataglay ng poot, ng pagsunog, ng paglilinis, at ng pagwasak. Sa Akin ay walang natatago at walang mga damdamin ng laman, sa kabaligtaran, mayroong pagiging bukas, matuwid, makatarungan at walang pagkiling. Dahil ang Aking mga panganay na anak ay kasama Ko na sa trono, namumuno sa di-mabilang na mga bansa at tao, yaong di-patas at di-makatarungan na mga bagay at mga tao ay sinisimulan nang mahatulan ngayon. Sisiyasatin Ko sila nang isa-isa, walang lalagpasan at ibubunyag sila nang ganap. Sapagkat ang Aking paghatol ay lubusan nang nabunyag at lubusan nang naihayag, at wala Akong itinira ni anuman; itatapon Ko ang lahat ng hindi nakaayon sa Aking mga layunin, at idudulot na mamatay ang mga ito magpasawalang hanggan sa walang-hanggang hukay. Idudulot Kong masunog ang mga ito roon magpakailanman. Tanging ito ang Aking katuwiran, at tanging ito ang Aking pagkamatuwid. Walang sinumang makapagbabago nito, at lahat ay dapat sumunod sa Akin.

Binabalewala ng karamihan ng mga tao ang Aking mga salita, iniisip na ang mga salita ay mga salita lamang at ang mga katunayan ay mga katunayan. Sila ay bulag! Hindi ba nila alam na Ako ang tapat na Diyos Mismo? Ang Aking mga salita at mga katunayan ay nagaganap nang sabay. Hindi ba’t ito ay totoong-totoo? Hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, at yaon lamang mga naliwanagan na ang tunay na makauunawa. Katotohanan ito. Sa sandaling nakikita ng mga tao ang Aking mga salita, takot na takot sila at nagtatatakbo kung saan-saan upang magtago. Lalo pang mangyayari ito kapag dumating na ang Aking paghatol. Noong Aking nilikha ang lahat ng bagay, kapag Aking winasak ang mundo, at kapag ginawa Kong ganap ang mga panganay na anak—lahat ng bagay na ito ay natutupad sa pamamagitan ng isang salita mula sa Aking bibig. Ito’y dahil ang Aking salita mismo ang awtoridad; ito ang paghatol. Masasabi na ang Aking persona ay ang paghatol at ang pagiging maharlika, at walang makapagbabago nito. Ito ay isang aspeto ng Aking mga atas administratibo; ito ay isang paraan ng paghatol Ko sa mga tao. Sa Aking mga mata, lahat—kasama ang lahat ng tao, lahat ng pangyayari, at lahat ng bagay—ay nasa Aking mga kamay at nasa ilalim ng Aking paghatol. Walang sinuman at walang bagay ang nangangahas na gumawa ng anumang bagay nang labag sa mga patakaran, at lahat ay dapat na matupad nang naaayon sa mga salita na Aking binibigkas. Mula sa loob ng mga kuru-kuro ng mga tao, ang bawat isa ay naniniwala sa mga salita ng Aking persona. Kapag bumibigkas ang Aking Espiritu, ang lahat ng tao ay nagdududa, walang anumang kaalaman sa Aking pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at gumagawa pa nga ng mga pagbibintang laban sa Akin. Sinasabi Ko sa iyo ngayon, sinuman na nag-aalinlangan sa Aking mga salita, at sinumang pabasta-basta sa Aking mga salita, ang mga ito ang siyang wawasakin; sila ang mga walang-hanggang anak ng kapahamakan. Mula rito ay makikitang napakakaunti lamang yaong mga panganay na anak dahil ito ang Aking paraan ng paggawa. Gaya ng sinabi Ko noon, nagagawa Ko ang lahat nang hindi man lamang ginagalaw ang isa mang daliri, bagkus ginagamit Ko lamang ang Aking mga salita. Dito, kung gayon, namamalagi ang Aking pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Sa Aking mga salita, walang sinuman ang makakakita sa pinagmumulan at sa layunin ng Aking sinasabi. Hindi ito makakamit ng mga tao. Maaari lamang silang sumunod sa Aking pangunguna sa kanilang mga kilos, at sumunod sa aking katuwiran sa paggawa ng lahat ng bagay na umaayon sa Aking mga layunin, nagdudulot sa Aking pamilya na magkaroon ng katuwiran at kapayapaan, mabuhay magpakailanman, at maging matibay at di-natitinag magpakailanman.

Ang paghatol Ko’y dumarating sa lahat, ang Aking mga atas administratibo ay umaabot sa bawat isa, at ang Aking mga salita at Aking persona ay ibinubunyag sa bawat isa. Ito ang panahon para gumawa ng dakilang gawain ang Aking Espiritu (sa panahong ito, yaong mga pagpapalain, at yaong mga makararanas ng aba, ay ibinubukod sa bawat isa). Sa sandaling ang Aking mga salita ay lumabas, napag-iba Ko na yaong mga pagpapalain, at yaong mga makararanas ng aba. Malinaw na malinaw ang lahat ng ito, at nakikita Kong lahat sa isang sulyap. (Sinasabi Ko ito hinggil sa Aking pagkatao; kaya hindi sinasalungat ng mga salitang ito ang Aking katalagahan at pagpili.) Gumagala Ako sa mga kabundukan at mga ilog at sa lahat ng bagay, sa kalawakan ng sansinukob, sinisiyasat at nililinis ang bawat lugar nang sa gayon yaong maruruming lugar at yaong malalaswang lupain ay hindi na iiral lahat at masusunog tungo sa kawalan dahil sa Aking mga salita. Para sa Akin, madali ang lahat ng bagay. Kung ngayon ang oras na Aking paunang itinadhana na wasakin ang mundo, maaari Ko itong lulunin sa pagbigkas ng isang salita. Gayunpaman, hindi ngayon ang oras. Lahat ay dapat maging handa bago Ko gawin ang gawaing ito, upang hindi magambala ang Aking plano at hindi magagambala ang Aking pamamahala. Alam Ko kung paano ito gawin nang makatwiran. Mayroon Ako ng Aking karunungan at mayroon Ako ng sarili Kong pagsasaayos. Hindi dapat gumalaw ang mga tao kahit isang daliri; maging maingat na hindi mahampas ng Aking kamay. Umabot na ito sa Aking mga atas administratibo. Mula rito ay makikita ang kabagsikan ng Aking mga atas administratibo, gayundin ang mga prinsipyo sa likod ng mga ito, na sumasaklaw sa dalawang aspekto: Ang isa ay na hinahampas ko ang lahat ng hindi alinsunod sa Aking mga layunin at lumalabag sa Aking mga atas administratibo; ang isa pa ay na buong poot Kong isinusumpa ang lahat ng lumalabag sa Aking mga atas administratibo. Hindi maaaring mawala ang dalawang aspeto na ito, at siyang mga prinsipyo sa pamamalakad sa likod ng Aking mga atas administratibo. Bawat tao ay pinamamahalaan ayon sa dalawang prinsipyong ito, nang walang anumang kahit kaunting kaluwagan, kahit na gaano pa katapat ang isang tao. Ito ay sapat na upang ipakita ang Aking katuwiran, ang Aking kamahalan, at ang Aking poot, na susunog sa lahat ng makalupang bagay, lahat ng makamundong bagay, at lahat ng bagay na hindi alinsunod sa Aking mga layunin. Mayroong mga hiwagang nananatiling nakatago sa Aking mga salita, at mayroon ding mga hiwagang nabunyag na sa Aking mga salita. Kaya, ayon sa pantaong kuru-kuro at sa pag-iisip ng tao, ang Aking mga salita ay magpakailanmang di-mauunawaan at ang Aking puso ay magpakailanmang di-maaarok. Ibig sabihin, dapat Kong alisin sa mga tao ang kanilang mga kuru-kuro at pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang bagay sa Aking plano ng pamamahala. Kailangang gawin Ko ito sa ganitong paraan upang makamit ang Aking mga panganay na anak at upang matupad ang mga bagay na gusto Kong gawin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 103

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 97

Sion! Magbunyi! Sion! Umawit nang malakas! Ako ay nagbalik nang wagi, Ako ay nagbalik nang matagumpay! Ang di-mabilang na mga tao! Magmadaling pumila nang maayos! Lahat ng nilikha! Magsitigil na kayo, sapagkat ang Aking persona ay nakaharap sa buong sansinukob at nagpapakita sa Silangan ng mundo! Sino ang nangangahas na hindi lumuhod sa pagsamba? Sino ang nangangahas na hindi Ako tawaging tunay na Diyos? Sino ang nangangahas na hindi tumingala nang may pusong takot? Sino ang nangangahas na hindi magbigay ng papuri? Sino ang nangangahas na hindi magbunyi? Tiyak na maririnig ng bayan Ko ang Aking tinig, at tiyak na ang Aking mga anak ay naroroon sa Aking kaharian! Ang mga bundok, ilog, at lahat ng bagay ay magbubunyi nang walang humpay, at magtatatalon nang walang tigil. Sa panahong ito, walang mangangahas na umatras, at walang mangangahas na tumindig sa paglaban. Ito ang Aking kamangha-manghang gawa, at higit pa roon, ito ang Aking dakilang kapangyarihan! Gagawin Kong magkaroon ang lahat ng pusong may takot sa Akin at, higit pa rito, gagawin Ko na papurihan Ako ng lahat! Ito ang pinakalayunin ng Aking plano ng pamamahala sa loob ng anim na libong taon, at ito ang itinakda Ko. Wala ni isang tao ni bagay ni pangyayari ang nangangahas na tumindig para labanan o kontrahin Ako. Lahat ng Aking bayan ay dadaloy patungo sa Aking bundok (sa madaling salita, ang mundong lilikhain Ko kalaunan) at tiyak na susuko sila sa Aking harapan, dahil Ako ay may pagiging maharlika at paghatol, at taglay Ko ang awtoridad. (Tumutukoy ito sa kung kailan Ako ay nasa katawan. Mayroon din Akong awtoridad sa katawang-tao, ngunit dahil ang mga limitasyon ng panahon at kalawakan ay hindi malalagpasan sa katawang-tao, hindi masasabi na nakamit Ko na ang ganap na kaluwalhatian. Bagama’t nakakamit Ko ang mga panganay na anak sa katawang-tao, hindi pa rin masasabi na nakamit Ko na ang kaluwalhatian. Masasabi lamang na mayroon Akong awtoridad—na nakamit Ko na ang kaluwalhatian—kapag nagbalik na Ako sa Sion at nagbagong-anyo Ako.) Walang magiging mahirap para sa Akin. Sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay mawawasak, at sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay maitatatag at maisasakatuparan. Gayon ang Aking dakilang kapangyarihan at gayon ang Aking awtoridad. Dahil puspos Ako ng kapangyarihan at puno ng awtoridad, walang sinumang tao ang makapangangahas na hadlangan Ako. Matagal na Akong nagwagi sa lahat, at nagtagumpay na Ako laban sa lahat ng anak ng paghihimagsik. Dadalhin Ko ang Aking mga panganay na anak kasama Ko para bumalik sa Sion. Hindi Ako babalik sa Sion nang mag-isa. Kaya, pagkakita ng lahat sa Aking mga panganay na anak, magkakaroon sila ng pusong may takot sa Akin. Ito ang Aking pakay sa pagkamit ng mga panganay na anak, at ito na ang plano Ko mula pa nang likhain ang mundo.

Kapag handa na ang lahat, iyon ang araw na babalik Ako sa Sion, at ang araw na ito ay tatandaan ng di-mabilang na mga tao. Kapag bumalik na Ako sa Sion, matatahimik ang lahat ng bagay sa lupa, at tatahimik ang lahat sa ibabaw ng lupa. Kapag nagbalik na Ako sa Sion, magbabalik ang lahat sa orihinal nitong anyo. Sa oras na iyon, sisimulan Ko ang Aking gawain sa Sion. Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, isasagawa Ko ang Aking paghatol, at gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo. Tiyak na ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humusga, dahil sa Akin, lahat ng bagay ay naisakatuparan na; at dito, hayaang makita ng bawat tao ang Aking buong karangalan, at matikman ang Aking buong tagumpay, dahil sa Akin lahat ng bagay ay naipapamalas. Sapat ito para maipakita ang Aking dakilang kapangyarihan at ang Aking awtoridad. Walang mangangahas na gumawa ng mga pagkakasala sa Akin, at walang mangangahas na humadlang sa Akin. Sa Akin, hayag ang lahat—sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko sila palalampasin! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga tampalasang iyon, at kailangang mapuksa mula sa Aking paningin ang mga kasuklam-suklam na taong iyon. Pamamahalaan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, nang wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin, sapagkat Ako ang Diyos Mismo, na maharlika at na walang mga damdamin ng laman at hindi nalalabag. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, para maiwasang hampasin at lipulin Ko sila “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat hahampasin ng Aking tungkod ang lahat ng gumagawa ng mga pagkakasala sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; hindi ito isang bagay na inaalala Ko, dahil walang sinumang maaaring gumawa ng mga pagkakasala laban sa Aking persona. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi na Ako ay isang leon; hinahampas Ko ang sinumang Aking nakakatagpo. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may awa at mapagmahal na kabaitan. Sa diwa, hindi Ako isang kordero, kundi isang leon. Walang sinuman ang nangangahas na gumawa ng mga pagkakasala laban sa Akin; ang sinumang gumagawa, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad, nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin kahit kaunti. Sapat na ito upang ipakita ang Aking disposisyon. Samakatwid, sa huling kapanahunan ay isang malaking grupo ng mga tao ang uurong, at mahihirapan ang mga tao na kayanin ito, ngunit para sa Akin, maalwan Ako at masaya, at hindi Ko ito itinuturing na isang mahirap na gawain kahit kaunti. Gayon ang Aking disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120

Araw-araw na mga Salita ng Diyos  Sipi 98

Sa kaharian, ang lahat ng bagay ay nagsisimulang muling mabuhay at maglabas ng kasiglahan. Dahil sa mga pagbabago sa kalagayan ng lupa, ang mga hangganan sa pagitan ng isang lupain at ng isa pa ay nagsisimula ring gumalaw. Nagpropesiya na Ako na kapag ang lupain ay nahiwalay sa lupain, at ang lupain ay sumama sa lupain, ito ang panahon na dudurugin Ko ang bawat bansa nang pira-piraso. Sa panahong ito, papanibaguhin at babaguhin Ko ang lahat ng bagay at hahati-hatiing muli ang buong sansinukob, sa gayon ay maisasaayos ang sansinukob at ang luma ay magiging bago—ito ang Aking plano at ito ang Aking mga gawa. Kapag bumalik na ang bawat bansa at ang bawat taong hinirang Ko sa harap ng Aking luklukan, ipagkakaloob Ko na ang lahat ng kasaganaan ng langit sa mundo ng tao, upang, dahil sa Akin, ang mundong iyon ay mapuno ng walang-kapantay na kasaganaan. Habang umiiral ang lumang mundo, ihahagis Ko ang Aking poot sa bawat bansa at ipapahayag ang mga atas administratibo na nahayag sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag nagsasalita Ako sa buong sansinukob, naririnig ng lahat ng tao ang Aking tinig, ibig sabihin, nakikita ng lahat ng tao ang lahat ng gawa na isinakatuparan Ko sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking mga layunin, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin gamit ang mga gawa ng tao, ay babagsak sa gitna ng Aking pagkastigo. Gagawin Kong panibago ang napakaraming bituin sa kalangitan; at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago, ang kalangitan ay hindi na gaya ng dati; at lahat ng bagay sa lupa ay mapapanibago—maisasakatuparan ang lahat ng ito dahil sa Aking mga salita. Ang lahat ng bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at mapapalitan ng Aking kaharian, upang ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglaho magpakailanman, at ang matitira lang ay ang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, ang lahat ng sa mga diyablo ay lilipulin. Ang lahat ng sumasamba kay Satanas ay babagsak sa gitna ng Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga nasa loob ng daloy ngayon, lahat ay magiging abo. Kapag kinastigo Ko ang bawat lahi ng tao, ang mga relihiyosong komunidad, sa iba’t ibang antas, ay babalik sa Aking kaharian, at malulupig sa pamamagitan ng Aking mga gawa, dahil makikita na nila na dumating na “ang Banal na nakasakay sa isang puting ulap”. Lahat ng tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at tatanggap ng iba’t ibang pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos; ang lahat ng lumaban sa Akin ay mamamatay, at, yaon namang ang kanilang mga gawa sa lupa ay walang kinalaman sa Akin, dahil sa kanilang naging pag-uugali, sila ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Magpapakita Ako sa di-mabilang na mga bansa at tao, at ipapahayag Ko ang sarili Kong tinig sa lupa, ipinoproklama ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain, tinutulutan ang lahat ng tao na makita ito gamit ang sarili nilang mga mata.

Habang mas lumalalim ang Aking mga pagbigkas, pinagmamasdan Ko rin ang kalagayan ng sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, lahat ng bagay ay napapanibago. Nagbabago ang langit, gayundin ang lupa. Nalalantad ang orihinal na anyo ng sangkatauhan at, dahan-dahan, lahat ng tao ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at hindi namamalayang nababalik sa kanilang mga “pamilya.” Lubha itong nakalulugod sa Akin. Malaya Ako sa panggugulo at, nang hindi halata, naisasakatuparan ang Aking dakilang gawain, at nagpapanibago ang lahat ng bagay. Nang likhain Ko ang mundo, ibinukod-bukod Ko ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito, ikinakategorya ang lahat ng bagay na may anyo. Kapag nalalapit na ang pagtatapos ng Aking plano ng pamamahala, ipanunumbalik Ko ang dating kalagayan ng paglikha; ipanunumbalik Ko ang lahat ng bagay sa orihinal nitong ayos, lubusang binabago ang lahat ng bagay, at lahat ng bagay ay iaayon sa Aking plano. Dumating na ang panahon! Ang huling yugto ng Aking plano ay malapit nang makompleto. Ah, maruming lumang mundo! Tiyak na babagsak ito sa gitna ng Aking mga salita! Tiyak na mauuwi ito sa wala dahil sa Aking plano! Ah, lahat ng bagay! Magtatamo ang lahat ng ito ng bagong buhay sa gitna ng Aking mga salita—magkakaroon ang mga ito ng kanilang May Kataas-taasang Kapangyarihan! Ah, banal at walang-bahid na bagong mundo! Tiyak na muli itong mabubuhay sa gitna ng Aking maluwalhating liwanag! Ah, Bundok ng Sion! Huwag nang manahimik—nakabalik na Ako nang matagumpay! Pinagmamasdan Ko ang buong lupa sa gitna ng lahat ng bagay. Ang mga tao sa lupa ay nagsimula na ng bagong buhay at mayroon nang mga bagong pag-asa. Ah, Aking mga tao! Paanong hindi kayo muling mabubuhay sa gitna ng Aking liwanag? Paanong hindi kayo magtatalunan sa galak sa ilalim ng Aking patnubay? Naghihiyawan sa tuwa ang mga lupain, nag-iingay sa masayang paghalakhak ang mga katubigan! Ah, ang nabuhay na mag-uling Israel! Paanong hindi ka nakakaramdam ng pagmamalaki dahil sa Aking paunang pagtatadhana? Sino ang umiyak? Sino ang humagulgol? Ang dating Israel ay nawala na, at ang Israel sa ngayon ay nakabangon na, nang tuwid at matayog sa mundo, at nakatayo na sa puso ng buong sangkatauhan. Tiyak na matatamo ng Israel ngayon ang pundasyon ng pag-iral sa pamamagitan ng Aking mga tao! Ah, kamuhi-muhing Ehipto! Tiyak naman na hindi ka lumalaban pa rin sa Akin? Paano mo nagagawang samantalahin ang Aking awa at sinusubukang takasan ang Aking pagkastigo? Paanong hindi mo magawang mabuhay sa loob ng Aking pagkastigo? Lahat ng Aking minamahal ay tiyak na iiral nang walang hanggan, at lahat ng lumalaban sa Akin ay tiyak na kakastiguhin Ko nang walang hanggan. Sapagkat Ako ay isang mapanibughong Diyos at hindi Ko basta-bastang pagbibigyan ang sinumang tao sa anumang mga gawa niya. Sisiyasatin Ko ang buong lupa at, nagpapakita sa Silangan ng mundo nang may katuwiran, pagiging maharlika, poot, at pagkastigo, magpapakita Ako sa di-mabilang na mga tao!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 26

Sinundan: Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Sumunod: Ang Pagkakatawang-tao

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito