Pagpapakita at Gawain ng Diyos
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 46
Nakarating na ang papuri sa Sion at lumitaw na ang tahanan ng Diyos. Ang maluwalhating banal na pangalan ay pinupuri ng di-mabilang na hinirang na mga tao ng Diyos at lumalaganap ito. Ah, Makapangyarihang Diyos! Ang Pinuno ng sansinukob, ang Cristo ng mga huling araw—Siya ang nagniningning na Araw na sumikat sa loob ng buong sansinukob, sa itaas ng maharlika at marilag na Bundok ng Sion …
Makapangyarihang Diyos! Tumatawag kami sa Iyo sa kagalakan; sumasayaw at umaawit kami. Tunay na Ikaw ang aming Manunubos, ang dakilang Hari ng sansinukob! Nakagawa Ka na ng isang grupo ng mga mananagumpay at natupad Mo na ang plano ng pamamahala ng Diyos. Magsisiparoon ang di-mabilang na hinirang na mga tao ng Diyos sa bundok na ito. Luluhod sila sa harap ng trono! Ikaw ang nag-iisa at tanging tunay na Diyos at karapat-dapat Ka sa kaluwalhatian at karangalan. Lahat ng kaluwalhatian, papuri, at awtoridad ang mapasa-trono! Dumadaloy mula sa trono ang bukal ng buhay, dinidiligan at pinakakain ang lahat ng tao ng Diyos. Nagbabago ang buhay natin araw-araw; sinusundan tayo ng bagong liwanag at mga paghahayag, patuloy na nagdudulot ng mga bagong kabatiran tungkol sa Diyos. Sa gitna ng mga karanasan, nagiging lubos na tiyak tayo tungkol sa Diyos. Ang Kanyang mga salita ay patuloy na nagpapakita, nagpapakita sa kalooban ng mga tamang tao. Tunay ngang labis tayong pinagpala! Tayo ay harap-harapan sa Diyos bawat araw, nakikipagbahaginan tayo sa Diyos sa lahat ng bagay, at hinahayaan natin ang Diyos na mamahala sa lahat ng bagay. Pinagbubulay-bulayan nating mabuti ang salita ng Diyos, tumatahimik ang ating puso sa Diyos, at sa paraang ito ay lumalapit tayo sa harapan ng Diyos, kung saan natatanggap natin ang Kanyang pagtanglaw. Sa bawat araw, sa ating buhay, mga kilos, salita, kaisipan, at ideya, namumuhay tayo sa loob ng salita ng Diyos, at kaya nating kumilatis ng mga bagay-bagay sa lahat ng oras. Ang salita ng Diyos ang gumagabay sa sinulid sa butas ng karayom; nang di-inaasahan, nalalantad ang mga bagay na nakatago sa ating kalooban, nang sunod-sunod. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos ay hindi maaaring maantala; inilalantad ng Diyos ang ating mga kaisipan at ideya. Sa bawat sandali nabubuhay tayo sa harap ng luklukan ni Cristo kung saan sumasailalim tayo sa paghatol. Nananatiling sakop ni Satanas ang bawat bahagi sa loob ng ating katawan. Ngayon, upang mabawi ang pagkahari ng Diyos, kailangang linisin ang Kanyang templo. Upang ganap na masakop ng Diyos, kailangan nating dumaan sa isang buhay at kamatayan na pakikibaka. Kapag naipako na sa krus ang dati nating sarili, saka lamang maghahari nang kataas-taasan ang muling nabuhay na buhay ni Cristo.
Nagsisimula ngayon ng isang pagsalakay ang Banal na Espiritu sa bawat sulok natin upang makidigma para mabawi tayo! Basta’t handa tayong itatwa ang ating sarili at makipagtulungan sa Diyos, tiyak na tatanglawan at dadalisayin ng Diyos ang ating kalooban sa lahat ng oras, at babawiing muli yaong nasakop na ni Satanas, nang sa gayon, tayo ay magawang ganap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Huwag mag-aksaya ng panahon—ipamuhay ang bawat sandali sa loob ng salita ng Diyos. Mapatatag na kasama ng mga banal, madala sa kaharian, at pumasok sa kaluwalhatian kasama ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 1
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 47
Nagkahugis na ang iglesia ng Philadelphia, na ganap na dahil sa biyaya at awa ng Diyos. Ang mga mapagmahal-sa-Diyos na puso ay isinilang sa mga banal, at hindi sila nag-aalinlangan sa kanilang espirituwal na paglalakbay. Matatag sila sa kanilang pananampalataya na nagkatawang-tao na ang nag-iisang tunay na Diyos, na Siya ang Pinuno ng sansinukob, na naghahari sa lahat ng bagay: Pinagtibay ito ng Banal na Espiritu, hindi ito matututulan! Hindi ito magbabago kailanman!
O, Makapangyarihang Diyos! Ngayon ay Ikaw ang nagbukas sa aming mga espirituwal na mata, na tinutulutang makakita ang bulag, makalakad ang paralisado, at mapagaling ang mga ketongin. Ikaw ang nagbukas sa durungawan ng langit, tinutulutan kaming makita ang mga misteryo ng espirituwal na mundo. Ang pagtagos ng Iyong mga banal na salita at pagliligtas mula sa aming pagkatao, na ginawang tiwali ni Satanas—ganyan ang Iyong di-masukat na dakilang gawain at Iyong di-masukat na dakilang awa. Kami ay Iyong mga tagapagpatotoo!
Matagal Ka nang tahimik na mapagpakumbaba at nakatago. Naranasan Mo ang muling pagkabuhay mula sa kamatayan, ang pagdurusa ng pagpapapako sa krus, ang mga kagalakan at kalungkutan ng buhay ng tao, at ang pang-uusig at kapighatian; naranasan at nalasap Mo ang pasakit ng mundo ng tao, at tinalikdan Ka ng kapanahunan. Ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo. Alang-alang sa kalooban ng Diyos, iniligtas Mo kami mula sa tumpok ng dumi, at inaalalayan kami gamit ang Iyong kanang kamay, at malayang ipinagkakaloob sa amin ang Iyong biyaya. Hindi inalintana ang mga pasakit, ihinubog Mo ang Iyong buhay sa amin; ang dugo ng Iyong puso at ang halagang binayaran Mo ay nagkristal sa mga banal. Kami ang produkto ng[a] dugo ng Iyong puso; kami ang halagang binayaran Mo.
O, Makapangyarihang Diyos! Dahil sa Iyong mapagmahal na kabaitan at awa, sa Iyong katuwiran at pagiging maharlika, sa Iyong kabanalan at pagpapakumbaba kaya yuyukod sa Iyong harapan ang di-mabilang na hinirang na mga tao Mo at sasambahin Ka nila nang walang-hanggan.
Ngayon ay nagawa Mo nang ganap ang lahat ng iglesia—ang iglesia ng Philadelphia—at natupad na ang Iyong 6,000-taong plano ng pamamahala. Kaya ng mga banal na mapagpakumbabang magpasakop sa Iyong harapan, na nakaugnay sa espiritu at sumusunod nang may pagmamahal, nakaugnay sa pinagmumulan ng bukal. Dumadaloy nang walang-tigil ang buhay na tubig ng buhay, at hinuhugasan at nililinis ang lahat ng putik at maruming tubig sa iglesia, muling dinadalisay ang Iyong templo. Nakilala na namin ang praktikal na tunay na Diyos, lumakad kami sa loob ng Kanyang mga salita, at nakilala ang aming sariling mga papel at tungkulin, ginagawa ang lahat ng makakaya namin upang gugulin ang aming sarili para sa iglesia. Laging tahimik sa Iyong harapan, kailangan naming bigyang-pansin ang gawain ng Banal na Espiritu, upang hindi namin mahadlangan ang kalooban Mo. Nagmamahalan ang mga banal, at mapupunan ng mga kalakasan ng ilan ang mga pagkukulang ng iba. Kaya nilang lumakad sa espiritu sa lahat ng oras, na naliliwanagan at tinatanglawan ng Banal na Espiritu. Isinasagawa nila kaagad ang katotohanan pagkatapos na maunawaan ito. Sumasabay sila sa bagong liwanag at sumusunod sa mga yapak ng Diyos.
Aktibong makipagtulungan sa Diyos; ang pagpapaubaya na Siya ang kumontrol ay paglakad na kasama Niya. Lahat ng aming sariling ideya, kuru-kuro, opinyon, at sekular na pasanin ay nawawala na parang bula. Hinahayaan nating maghari nang kataas-taasan ang Diyos sa ating espiritu, lumalakad tayo na kasama Niya at sa gayon ay nangingibabaw, nadaraig ang mundo, at malayang lumilipad at lumalaya ang ating espiritu: Ito ang kinalalabasan kapag naghahari bilang Hari ang Makapangyarihang Diyos. Paano tayong hindi sasayaw at aawit ng mga papuri, mag-aalay ng ating mga papuri, mag-aalay ng mga bagong himno?
Talagang maraming paraan para purihin ang Diyos: pagtawag sa Kanyang pangalan, paglapit sa Kanya, pag-iisip sa Kanya, pagdadasal-pagbabasa, pagbabahaginan, pagmumuni-muni at pagbubulay-bulay, pagdarasal, at pag-awit ng mga papuri. Sa ganitong mga uri ng papuri ay mayroong pagtatamasa, at mayroong pagpapahid ng langis. Mayroong kapangyarihan sa papuri, at mayroon ding pasanin. Mayroong pananalig sa papuri, at mayroong bagong kabatiran.
Aktibong makipagtulungan sa Diyos, makipagtulungan sa paglilingkod at maging isa, tugunan ang mga layunin ng Makapangyarihang Diyos, magmadaling maging isang banal na espirituwal na katawan, tapakan si Satanas, at wakasan ang kapalaran ni Satanas. Ang iglesia ng Philadelphia ay nadala na paitaas sa harap ng Diyos at naipamalas sa Kanyang kaluwalhatian.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 2
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang produkto ng.”
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 48
Ang matagumpay na Hari ay nakaupo sa Kanyang maluwalhating trono. Naisakatuparan na Niya ang pagtubos at inakay na ang lahat ng Kanyang tao upang magpakita sa kaluwalhatian. Hawak Niya ang lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay at sa Kanyang banal na karunungan at kapangyarihan ay itinayo at pinatatag Niya ang Sion. Sa Kanyang pagiging maharlika ay hinahatulan Niya ang makasalanang sanlibutan; hinatulan na Niya ang di-mabilang na mga bayan at tao, ang lupa at ang mga dagat at lahat ng bagay na nabubuhay roon, gayundin ang mga lasing sa alak ng kahalayan. Tiyak na hahatulan sila ng Diyos at tiyak na magagalit Siya sa kanila, at maipapamalas ang Kanyang pagiging maharlika. Ang Kanyang paghatol ay magiging agad-agad at ipatutupad nang walang pagkaantala. Tiyak na susunugin ng apoy ng Kanyang poot ang kanilang karumal-dumal na mga kasalanan at sasapit sa kanila ang kalamidad anumang sandali; wala silang landas na matatakasan at walang lugar na mapagtataguan, sila ay tatangis at magngangalit ng kanilang mga ngipin, at magdadala sila ng pagkawasak sa kanilang sarili.
Ang matatagumpay na anak, na pinakamamahal ng Diyos ay tiyak na lalagi sa Sion, hinding-hindi na ito lilisanin. Ang di-mabilang na hinirang na mga tao ng Diyos ay makikinig nang mabuti sa Kanyang tinig, magbibigay sila ng masusing atensiyon sa Kanyang mga kilos, at ang mga tunog ng kanilang papuri sa Kanya ay hindi titigil kailanman. Nagpakita na ang nag-iisang tunay na Diyos! Makatitiyak tayo tungkol sa Kanya sa espiritu at susundan natin Siyang mabuti; magmamadali tayong sumulong nang buo nating lakas at hindi na mag-aalinlangan. Ang kalalabasan ng mundo ay nalalantad sa ating harapan; pinatitindi pa ngayon ng wastong buhay iglesia at maging ng mga tao, pangyayari, at bagay na nakapaligid sa atin ang ating pagsasanay. Bilisan natin ang pagbawi sa ating puso na labis na nagmamahal sa mundo! Bilisan natin ang pagbawi sa ating pananaw na lubhang malabo! Pigilan natin ang mga hakbang natin, upang hindi tayo lumampas sa mga hangganan. Pigilan natin ang ating bibig upang makatahak tayo sa salita ng Diyos, at hindi na tayo makipagtalo pa tungkol sa mga natamo at nawala sa atin. Ah, bitiwan ninyo ito—ang sakim na pagkahilig ninyo sa sekular na mundo at sa kayamanan! Ah, palayain ninyo ang inyong sarili mula rito—ang matibay ninyong pagkapit sa mga mister at mga anak na babae at lalaki! Ah, talikuran na ninyo ang mga ito—ang inyong mga pananaw at pagtatangi! Ah, gising; maikli ang panahon! Tumingala, tumingala, mula sa espiritu, at hayaang ang Diyos ang kumontrol. Anuman ang mangyari, huwag kayong tumulad sa asawa ni Lot. Kaawa-awa ang maabandona! Talagang kaawa-awa! Ah, gising!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 3
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 49
Nagbabago ang mga bundok at mga ilog, umaagos ang mga tubig sa daanan ng mga ito, at hindi nagtatagal ang buhay ng tao gaya ng daigdig at himpapawid. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang buhay na walang hanggan at muling nabuhay, na nagpapatuloy sa pagdaan ng mga henerasyon, nang walang hanggan! Ang lahat ng bagay at pangyayari ay nasa Kanyang mga kamay, at si Satanas ay nasa ilalim ng Kanyang paa.
Ngayon, sa pamamagitan ng paunang itinadhanang pagpili ng Diyos na inililigtas Niya tayo mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Satanas. Talagang Siya ang ating Manunubos. Ang walang hanggan, muling nabuhay na buhay ni Cristo ay aktuwal nang ginawa sa loob natin, kaya natatadhana tayong maugnay sa buhay ng Diyos, upang tayo ay aktuwal na makaharap sa Kanya, kainin Siya, inumin Siya, at tamasahin Siya. Ito ang di-makasariling pag-aalay ng dugo ng puso ng Diyos.
Dumarating at lumilipas ang mga panahon; dumaraan ang Diyos sa hangin at nagyeyelong hamog, at sinasalubong Niya ang napakaraming pasakit, pag-uusig, at kapighatian sa buhay, napakaraming pagtanggi at paninirang-puri ng mundo, napakaraming huwad na paratang ng pamahalaan, ngunit hindi nababawasan ni katiting ang pananalig ng Diyos ni ang paninindigan Niya. Buong-pusong nakatalaga sa kalooban ng Diyos, at sa katuparan ng pamamahala at plano ng Diyos, isinasantabi Niya ang Kanyang sariling buhay. Para sa lahat ng Kanyang tao, ginagawa Niya ang lahat-lahat, maingat silang pinapakain at dinidiligan. Gaano man tayo kahangal, o gaano man kasutil, kailangan lamang nating magpasakop sa harapan Niya, at babaguhin ang ating dating kalikasan ng muling nabuhay na buhay ni Cristo…. Para sa mga panganay na anak na ito, araw at gabi Siyang gumagawa nang walang kapaguran, pinapabayaan ang pagkain at pahinga. Ilang araw at gabi, sa gitna ng gaano katinding nakapapasong init at nagyeyelong lamig, buong-puso Siyang nagbabantay sa Sion.
Ang mundo, tahanan, gawain at lahat na, ay lubusang tinalikdan, nang may kasiyahan, nang kusang-loob, at ang mga makamundong kasiyahan ay walang kinalaman sa Kanya…. Ang mga salita mula sa Kanyang bibig ay aktuwal na tumatagos sa atin, inilalantad ang mga bagay na nakatago nang malalim sa ating mga puso. Paano tayong hindi makukumbinsi? Ang bawat pangungusap na lumalabas sa Kanyang bibig ay magkakatotoo sa atin anumang oras. Anumang ating gawin, sa Kanya mang presensya o tago sa Kanya, walang hindi Niya nalalaman, walang hindi Niya nauunawaan. Ang lahat ay tunay na nahahayag sa harapan Niya, sa kabila ng ating mga sariling plano at pagsasaayos.
Nakaupo sa harapan Niya, nakadarama ng kasiyahan sa ating espiritu, panatag at mahinahon, ngunit laging nakakaramdam ng kahungkagan at malaking pagkakautang sa Diyos: Isa itong himalang hindi mailarawan sa isip at imposibleng makamit. Ang Banal na Espiritu ay sapat na upang patunayan na ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos! Ito ay katunayan na di-mapagdududahan! Tayo sa pangkat na ito ay pinagpala sa paraang hindi mailalarawan! Kung hindi dahil sa biyaya at awa ng Diyos, masasadlak lamang tayo sa perdisyon at susunod kay Satanas. Tanging ang Makapangyarihang Diyos ang makapagliligtas sa atin!
Ah! Makapangyarihang Diyos, ang praktikal na Diyos! Ikaw itong nagmulat sa aming espirituwal na mga mata, na nagtutulot sa aming mamasdan ang mga hiwaga ng espirituwal na mundo. Walang hangganan ang kinabukasan ng kaharian. Maging mapagbantay tayo habang naghihintay. Hindi na masyadong malayo pa ang araw na iyon.
Umaalimpuyo ang mga apoy ng digmaan, napupuno ang hangin ng usok ng kanyon, umiinit ang lagay ng panahon, nagbabago ang klima, lalaganap ang isang salot, at maaari lamang mamatay ang mga tao, na walang pag-asa na manatiling buhay.
Ah! Makapangyarihang Diyos, ang praktikal na Diyos! Ikaw ang aming matibay na muog. Ikaw ang aming kanlungan. Nag-uumpukan kami sa ilalim ng mga pakpak Mo, at hindi kami maaabot ng sakuna. Ganito ang Iyong maka-Diyos na pag-iingat at pangangalaga.
Itinataas naming lahat ang aming mga tinig sa awitin; umaawit kami sa pagpuri, at ang tunog ng aming papuri ay umaalingawngaw sa buong Sion! Inihanda na para sa atin ng Makapangyarihang Diyos, ng praktikal na Diyos, ang magandang hantungang iyon. Maging mapagbantay—oh, magbantay! Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa huli ang lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 5
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 50
Mula pa noong panahong ang Makapangyarihang Diyos—ang Hari ng kaharian—ay pinatotohanan, ang saklaw ng pamamahala ng Diyos ay nabuksan sa kabuuan nito sa buong sansinukob. Hindi lamang sa Tsina napatotohanan ang pagpapakita ng Diyos, kundi napatotohanan ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos sa lahat ng bayan at lahat ng lugar. Silang lahat ay tumatawag sa banal na pangalang ito, naghahangad na makipagbahaginan sa Diyos sa anumang posibleng paraan, inaarok ang mga layunin ng Makapangyarihang Diyos, at naglilingkod sa Kanya nang nakikipagtulungan sa iba sa loob ng iglesia. Ito ang kahanga-hangang paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu.
Ang mga wika ng iba’t ibang bansa ay magkakaiba, ngunit iisa lamang ang Espiritu. Pinagsasama ng Espiritung ito ang mga iglesia sa loob ng buong sansinukob at lubos na kaisa ng Diyos, nang walang kahit kaunting pagkakaiba. Ito ay isang bagay na hindi mapagdududahan. Tinatawag na sila ngayon ng Banal na Espiritu at nananatili silang alerto dahil sa Kanyang tinig. Ito ang tinig ng habag ng Diyos. Tumatawag silang lahat sa banal na pangalan ng Makapangyarihang Diyos! Nagpupuri rin sila at umaawit. Hindi kailanman maaaring magkaroon ng anumang paglihis sa gawain ng Banal na Espiritu; gagawin ng mga taong ito ang lahat upang sumulong sa tamang landas, at walang umaatras. Nagpapatong-patong ang mga kababalaghan. Ito ay isang bagay na mahirap isipin at imposibleng hulaan ng mga tao.
Ang Makapangyarihang Diyos ang Hari ng buhay sa sansinukob! Nakaupo Siya sa maluwalhating trono at hinahatulan ang sanlibutan, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at pinaghaharian ang di-mabilang na bayan; lumuluhod sa Kanya ang di-mabilang na hinirang na mga tao Niya, nananalangin sa Kanya, lumalapit sa Kanya at nakikipag-ugnayan sa Kanya. Gaano man katagal kayong naniniwala sa Diyos, gaano man kataas ang inyong katayuan o gaano man kahaba ang inyong paglilingkod, kung nilalabanan ninyo ang Diyos sa inyong puso, kung gayon, kailangan ninyong mahatulan at kailangan kayong magpatirapa sa harapan Niya, nang dumaraing ng masakit na pagsusumamo; ito talaga ang pag-aani ng mga bunga ng inyong sariling mga gawa. Ang tunog ng pagtangis na ito ay ang tunog ng pinapahirapan sa lawa ng apoy at asupre, at ito ang sigaw ng itinutuwid ng bakal na pamalo ng Diyos; ito ang paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 8
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 51
Nagpakita na ang Diyos sa lahat ng iglesia. Ang Espiritu ang nagsasalita; Siya ay isang naglalagablab na apoy, may kamahalan, at humahatol. Siya ang Anak ng tao, na may suot na damit na hanggang paa, at may bigkis ang dibdib na isang pamigkis na ginto. Ang Kanyang ulo at Kanyang buhok ay mapuputing gaya ng puting balahibo ng tupa, at ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; ang Kanyang mga paa ay katulad ng pinong tanso, na gaya ng dinalisay sa isang lutuang-bakal; at ang Kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. At sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin: at sa Kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang Kanyang mukha ay gaya ng araw na sumisikat nang matindi!
Napatotohanan na ang Anak ng tao, at lantaran nang nahayag ang Diyos Mismo. Lumabas na ang kaluwalhatian ng Diyos, sumisikat nang matindi gaya ng mainit na araw! Ang Kanyang maluwalhating mukha ay nagliliyab sa nakakasilaw na liwanag; kaninong mga mata ang nangangahas na tratuhin Siya nang may paglaban? Ang paglaban ay humahantong sa kamatayan! Wala ni katiting na awang ipinapakita sa anumang iniisip ninyo sa inyong puso, anumang salitang binibitawan ninyo, o anumang inyong ginagawa. Mauunawaan at makikita ninyong lahat kung ano na ang inyong nakamtan—wala maliban sa Aking paghatol! Mapapanatili Ko ba ito kapag hindi kayo nagsisikap na kumain at uminom ng Aking mga salita, at sa halip ay walang-pakundangan ninyong ginagambala at winawasak ang Aking pagtatayo? Hindi Ako magdadahan-dahan sa pagtrato sa ganitong uri ng tao! Kapag mas lumala ang ugali mo, matutupok ka sa apoy! Nagpapakita ang Diyos na makapangyarihan sa lahat sa isang espirituwal na katawan, nang wala ni katiting na laman o dugo na nagdurugtong mula ulo hanggang paa. Higit pa Siya sa mundong sansinukob, nakaupo sa maluwalhating luklukan sa ikatlong langit, naghahari sa lahat ng bagay! Nasa Aking mga kamay ang sansinukob at ang lahat ng bagay. Nagsasalita Ako, at nangyayari ito. Inoorden Ko ito, at sa gayon ay naoorden ito. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas; nasa walang hanggang hukay ito! Kapag lumalabas ang Aking tinig, lilipas ang langit at lupa at mauuwi sa wala! Paninibaguhin ang lahat ng bagay; ito ay isang magpasawalang hanggan na di-mababagong katotohanan na talagang tama. Nadaig Ko na ang mundo, maging ang lahat ng masama. Nakaupo Ako rito at nakikipag-usap sa inyo, at lahat ng may pandinig ay dapat makinig at lahat ng nabubuhay ay dapat itong tanggapin.
Magwawakas ang mga araw; mauuwi sa wala ang lahat ng bagay sa mundong ito, at isisilang na muli ang lahat ng bagay. Tandaan ito! Tandaan! Hindi kayo pwedeng maging walang ingat tungkol dito. Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa’t ang Aking mga salita ay hindi mamamatay! Hayaang muli Ko kayong hikayatin: Huwag tumakbo nang walang kabuluhan! Gising! Magbago na kayo, at malapit na ang pampang! Nagpakita na Ako sa gitna ninyo, at pumailanlang na ang Aking tinig. Pumailanlang na ang Aking tinig sa inyong harapan; araw-araw ay pinapakitunguhan kayo nito, nang harapan, at sariwa at bago ito araw-araw. Nakikita mo Ako at nakikita kita; palagi kitang kinakausap, at magkaharap tayo. Magkagayunman, tinatanggihan mo Ako at hindi mo Ako kilala. Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, subalit nag-aatubili pa rin kayo! Nag-aatubili kayo! Kumapal ang puso ninyo, nabulag na ni Satanas ang inyong mga mata, at hindi ninyo makita ang Aking maluwalhating mukha—nakakaawa kayo! Nakakaawa!
Naipadala na ang pitong Espiritu sa harapan ng Aking luklukan sa lahat ng sulok ng daigdig at ipadadala Ko ang Aking Sugo upang magsalita sa mga iglesia. Matuwid Ako at tapat; Ako ang Diyos na sumisiyasat sa pinakamalalalim na bahagi ng puso ng tao. Nagsasalita ang Banal na Espiritu sa mga iglesia, at mga salita Ko ang lumabas mula sa kalooban ng Aking Anak. Lahat ng may pandinig ay dapat makinig! Lahat ng nabubuhay ay dapat tumanggap! Kainin at inumin lamang ang mga ito, at huwag magduda. Tatanggap ng malalaking pagpapala ang lahat ng nagpapasakop at tumatalima sa Aking mga salita! Tiyak na magkakaroon ng bagong liwanag, bagong kaliwanagan, at mga bagong kabatiran ang lahat ng taimtim na naghahanap sa Aking mukha; magiging sariwa at bago ang lahat. Lilitaw ang Aking mga salita sa iyo anumang oras, at bubuksan ng mga ito ang iyong mga espirituwal na mata para makita mo ang lahat ng hiwaga ng espirituwal na mundo. Ang kaharian ay nasa gitna ng tao. Pumasok sa kanlungan, at mapapasaiyo ang lahat ng biyaya at pagpapala; hindi ka malalapitan ng taggutom at salot, at hindi ka masasaktan ng mga lobo, ahas, tigre at leopardo. Sasama ka sa Akin, lalakad kang kasama Ko, at papasok tayo sa kaluwalhatian!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 15
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 52
Makapangyarihang Diyos! Hayagan Niyang ipinakita ang Kanyang maluwalhating katawan, lumitaw ang Kanyang banal na espirituwal na katawan, at Siya ang ganap na Diyos Mismo! Parehong nagbago ang mundo at ang Kanyang katawang-tao, at ang Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok ay ang persona ng Diyos. Suot Niya ang gintong korona sa Kanyang ulo, ang Kanyang kasuotan ay puting-puti, may bigkis ang dibdib ng isang pamabat na ginto at ang mundo at ang lahat ng bagay ay tuntungan ng Kanyang paa. Ang Kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy, sa loob ng Kanyang bibig ay mayroon Siyang isang matalas na tabak na tigkabila’y talim at sa Kanyang kanang kamay ay may pitong bituin. Ang daan patungo sa kaharian ay walang hangganan ang ningning, at lumilitaw at kumikinang ang Kanyang maluwalhating liwanag; masaya ang mga bundok at nagtatawanan ang katubigan, at ang araw, buwan, at mga bituin ay umiinog na lahat sa mahusay na pagkakaayos ng mga ito, sinasalubong ang matagumpay na pagbabalik ng nag-iisang tunay na Diyos na nakakompleto sa Kanyang anim-na-libong-taon na plano ng pamamahala. Lahat ay lumulundag at sumasayaw sa galak! Magbunyi! Nakaupo ang Diyos na makapangyarihan sa lahat sa Kanyang maluwalhating luklukan! Umawit! Ang matagumpay na bandila ng Makapangyarihan ay itinataas sa maringal at kahanga-hangang Bundok ng Sion! Ang bawat bansa ay nagbubunyi, ang di-mabilang na hinirang na mga tao ng Diyos ay nag-aawitan, masayang tumatawa ang Bundok ng Sion, at lumitaw na ang kaluwalhatian ng Diyos! Ni hindi ko kailanman pinangarap na makikita ko ang mukha ng Diyos, subalit ngayon nakita ko na ito. Kaharap Siya araw-araw, kinakausap ko Siya at ibinubukas ang aking puso. Sagana ang ibinibigay Niyang pagkain at inumin. Sa buhay, mga salita, mga pagkilos, mga kaisipan, mga ideya, nagliliwanag ang Kanyang maluwalhating liwanag, Nangunguna Siya sa bawat hakbang ng daan, at kung maghihimagsik ang isang tao sa puso nito, mabilis na bumababa ang Kanyang paghatol.
Kumakain, naninirahan, at namumuhay na kasama ng Diyos, ang makasama Siya, magkasamang naglalakad, magkasamang nasisiyahan, magkasamang nagkakamit ng kaluwalhatian at mga pagpapala, namumuno bilang mga hari kasama ang Diyos, at magkakasama sa kaharian—napakasaya nito! Napakatamis nito! Kaharap natin Siya araw-araw, araw-araw Siyang nagsasalita at palagi Niya tayong kinakausap, at pinagkakalooban tayo ng bagong kaliwanagan at mga bagong kabatiran araw-araw. Nagbukas ang ating espirituwal na mga mata, nakikita natin ang lahat; ibinubunyag sa atin ang mga misteryo ng espiritu. Ang sagradong buhay ay talagang maginhawa; tumakbo nang mabilis at huwag tumigil, patuloy na sumulong—mayroon pang mas kamangha-manghang buhay sa hinaharap. Huwag masiyahan sa simpleng pagkatikim ng tamis; ganap na hangarin ang Diyos. Siya ay sumasaklaw sa lahat at masagana, at mayroon Siya ng lahat ng klaseng bagay na wala tayo. Aktibong makipagtulungan at pumasok sa Kanya, at wala nang magiging katulad ng dati kailanman. Magiging dakila ang ating buhay, at walang tao, pangyayari, o bagay ang makagagambala sa atin.
Kadakilaan! Kadakilaan! Tunay na kadakilaan! Nasa kalooban ang dakilang buhay ng Diyos, at talagang nakapahinga na ang lahat ng bagay! Nalalagpasan natin ang mundo at ang mga makamundong bagay, na walang nadaramang pagkatali sa mga asawa o mga anak. Nalalagpasan natin ang mga limitasyon ng sakit at mga kapaligiran. Hindi nangangahas si Satanas na gambalain tayo. Ganap na nalalagpasan natin ang lahat ng kalamidad. Tinutulutan nito ang Diyos na maghari! Tinatapakan natin si Satanas, naninindigan tayo sa ating patotoo para sa iglesia, at lubos nating inilalantad ang pangit na mukha ni Satanas. Ang pagtatayo ng iglesia ay na kay Cristo, at lumitaw na ang maluwalhating katawan—ito ay pamumuhay sa isang kalagayan ng pagiging nadadala paitaas!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 15
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 53
Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan, ang ating Diyos ang Hari! Itinatapak ng Makapangyarihang Diyos ang Kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo. Kay ganda Niya! Makinig! Nilalakasan nating mga tagapagbantay ang ating mga tinig; sama-sama tayong umaawit, dahil nakabalik na ang Diyos sa Sion. Nakikita ng sarili nating mga mata ang mga tigang na lugar ng Jerusalem. Sumambulat sa galak at umawit nang sama-sama, dahil naaliw na tayo ng Diyos at natubos na ang Jerusalem. Inilantad na ng Diyos ang Kanyang banal na bisig sa di-mabilang na mga bayad, nagpakita na ang tunay na anyo ng Diyos! Nakita na ng lahat ng dulo ng mundo ang biyaya ng Diyos na nagliligtas.
O, Makapangyarihang Diyos! Ang pitong Espiritu sa harap ng Iyong trono ay naipadala na sa bawat iglesia upang ipamalas ang lahat ng Iyong mga misteryo. Habang nakaupo Ka sa Iyong trono ng kaluwalhatian, napangasiwaan Mo ang Iyong kaharian at ginawa Mo itong mahigpit at matatag gamit ang katarungan at katuwiran, at nasakop Mo ang bawat bayan sa harap Mo. O, Makapangyarihang Diyos! Nakalagan Mo na ang bigkis ng mga hari, upang maluwang na nakabukas sa harap Mo ang mga tarangkahan, upang hindi kailanman magsasara. Sapagkat ang Iyong liwanag ay dumating na at ang Iyong maluwalhating liwanag ay sumisikat at nagniningning sa kinang nito. Binabalot ng kadiliman ang lupa at ang makapal na karimlan ay nasa ibabaw ng di-mabilang na mga tao. O, Diyos! Ikaw, gayunpaman, ay nagpakita na at pinagliwanag ang Iyong ilaw sa amin, at ang Iyong kaluwalhatian ay maipapamalas sa amin; ang di-mabilang na mga bayan ay lalapit sa Iyong liwanag, at ang mga hari sa liwanag ng Iyong pagsikat. Tumitingala Ka at tumitingin sa paligid: natitipon ang Iyong mga anak na lalaki sa Iyong harapan, at mula sila sa malayo; ang Iyong mga anak na babae, sa kanilang pagdating, ay dala-dala sa mga bisig. O, Makapangyarihang Diyos! Ang Iyong dakilang pagmamahal ang nakahuli sa amin; Ikaw ang nangunguna sa amin pagsulong sa daan patungo sa kaharian, at ang Iyong mga banal na salita ang tumatagos sa amin.
O, Makapangyarihang Diyos! Nagpapasalamat kami at nagpupuri sa Iyo! Hayaan Mo kaming bumaling sa Iyo, sumaksi sa Iyo, magtaas sa Iyo, at magsiawit sa Iyo taglay ang isang pusong matapat, tahimik, at walang kahati. Hayaan Mo kaming magkaisa ang isipan at maitayong sama-sama, at nawa sa lalong madaling panahon ay gawin Mo kaming mga naaayon sa mga layunin Mo, na Iyong gagamitin. Maisakatuparan nawa nang walang hadlang sa lupa ang Iyong kalooban.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 25
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 54
Ang Makapangyarihang Diyos ay ang makapangyarihan sa lahat, nakakamit ang lahat, at ganap na totoong Diyos! Hindi lamang Niya hawak ang pitong bituin, Siya ay pinagkalooban ng pitong Espiritu, may pitong mata, binubuksan ang pitong selyo, at binubuksan ang balumbon, ngunit higit pa riyan, pinamamahalaan Niya ang pitong salot at ang pitong mangkok, at inihahayag ang pitong kulog. Matagal na panahon na rin ang nakakalipas nang pinatunog Niya ang pitong trumpeta! Ang lahat ng bagay na nilikha Niya at ginawang ganap ay dapat na magbigay-papuri sa Kanya, bigyan Siya ng kaluwalhatian, at dakilain ang Kanyang trono. O, Makapangyarihang Diyos! Ikaw ang lahat. Natapos Mo ang lahat, at sa Iyo, lahat ay ganap, maliwanag, napalaya, malaya, malakas, at makapangyarihan! Walang anumang natatago o nakukubli; sa Iyo, ang lahat ng hiwaga ay nasisiwalat. Higit pa rito, Iyong hinatulan ang mga kawan ng Iyong mga kaaway, inihahayag Mo ang Iyong kamahalan, ipinamamalas ang Iyong nanlalamong apoy, ipinakikita ang Iyong poot, at higit pa rito, ipinakikita Mo ang lahat ng Iyong walang katulad, walang hanggan, at walang katapusang kaluwalhatian! Dapat gumising ang di-mabilang na hinirang na mga tao ng Diyos at magbunyi at umawit nang walang pasubali, pinupuri ang maluwalhating totoong Diyos na ito, na makapangyarihan sa lahat, ganap na tunay, laging buhay, masagana, mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Dapat patuloy na dakilain ang Kanyang trono, at patuloy na dakilain at luwalhatiin ang Kanyang banal na pangalan. Ito ang walang hanggang layunin Ko—ng Diyos, at walang katapusang pagpapala na Kanyang ipinamamalas at ipinagkakaloob sa atin! Sino sa atin ang hindi nagmamana nito? Upang manahin ang pagpapala ng Diyos, dapat dakilain ang Kanyang banal na pangalan at lumapit upang pumalibot sa Kanyang trono sa pagsamba. Lahat ng humaharap sa Kanya na may ibang mga motibo at ibang mga pakay ay tutunawin ng Kanyang nanlalamong apoy. Ngayon ay ang araw na ang Kanyang mga kaaway ay hahatulan, at sa araw din na ito, sila ay malilipol. Higit pa rito, iyan din ang araw na Ako, ang Makapangyarihang Diyos, ay mabubunyag at dito makakamit ang kaluwalhatian at karangalan. O, lahat ng tao! Mabilis na bumangon upang dakilain at malugod na tanggapin ang Makapangyarihang Diyos na mula pa sa simula hanggang sa magpakailanman ay naghahatid sa atin ng kagandahang-loob, nagkakaloob ng kaligtasan, nagkakaloob sa atin ng mga pagpapala, ginagawang ganap ang Kanyang mga anak, at matagumpay na nararanasan ang Kanyang kaharian! Ito ang kamangha-manghang gawa ng Diyos! Ito ang walang hanggang itinadhana at pagsasaayos ng Diyos—na Siya Mismo ay dumating upang iligtas tayo, upang gawin tayong ganap, at upang dalhin tayo sa kaluwalhatian.
Ang lahat ng hindi tumitindig at nagpapatotoo ay ang mga ninuno ng mga bulag at ang mga hari ng kahangalan. Sila ay magiging mga walang-hanggang hangal, mga walang-hanggang magulo ang isip, mga walang-hanggang bulag na patay. Dahil dito kaya dapat gumising ang ating mga espiritu! Dapat tumindig ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos! Magbunyi, magbigay-papuri, at dumakila nang walang katapusan sa Hari ng kaluwalhatian, sa Ama ng awa, sa Anak ng pagtubos, sa masaganang pitong Espiritu, sa Makapangyarihang Diyos na nagdadala ng pagiging maharlika at nanlalamong apoy, katuwiran at paghatol, at Siyang lubos na sagana, sapat, hitik, makapangyarihan sa lahat, at ganap. Ang Kanyang trono ay dadakilain magpakailanman! Dapat makita ng lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos na ito ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang kamangha-manghang pamamaraan ng pagliligtas, at ang katuparan ng Kanyang maluwalhating kalooban. Kung mabibigo pa rin tayong tumindig at magpatotoo, sa sandaling lumipas na ang panahong ito, wala nang balikan. Kung magkakamit ba tayo ng mga pagpapala o makararanas ng kapighatian ay pinagpapasyahan batay sa kung ano ang ating ginagawa, kung ano ang ating iniisip, at kung ano ang ating isinasabuhay sa panahong ito—sa bahaging ito ng paglalakbay. Paano kayo dapat kumilos? Magpatotoo sa Diyos at dakilain Siya magpakailanman; dakilain ang Makapangyarihang Diyos, si Cristo ng mga huling araw—ang walang-hanggang nag-iisang tunay na Diyos!
Mula ngayon, dapat ninyong makita nang malinaw na ang mga hindi nagpapatotoo sa Diyos—na hindi nagpapatotoo sa nag-iisang tunay na Diyos na ito—at ang mga nagkikimkim ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, ay pawang mga may sakit, mga patay, at mga lumalaban sa Diyos! Napatunayan na ng mga salita ng Diyos mula pa noong unang panahon na ang lahat ng hindi nagtitipon kasama Ko ay nangangalat, at ang mga hindi kaayon Ko ay laban sa Akin—isa itong katotohanang hindi mapapasubalian at hindi nagbabago magpakailanman! Ang mga hindi nagpapatotoo sa Diyos ay mga alipin ni Satanas. Dumating ang mga taong ito upang guluhin at iligaw ang mga anak ng Diyos, at upang gambalain ang Kanyang pamamahala; dapat silang harapin gamit ang isang matalim na tabak! Ang sinumang nagpapakita ng kabaitan sa mga ito ay nagdadala ng pagwasak sa kanilang sarili. Dapat ninyong pakinggan at paniwalaan ang mga salita ng Espiritu ng Diyos, tahakin ang landas ng Espiritu ng Diyos, at isabuhay ang mga salita ng Espiritu ng Diyos. Higit pa rito, dapat ninyong dakilain ang trono ng Diyos na makapangyarihan sa lahat hanggang sa katapusan ng panahon!
Ang Makapangyarihang Diyos ay ang Diyos ng pitong Espiritu! Ang may pitong mata at pitong bituin ay Siya rin; binubuksan Niya ang pitong selyo, at ang kasulatan ay ganap na Niyang iniladlad! Pinatunog na Niya ang pitong trumpeta, at hawak Niya ang pitong mangkok at pitong salot, na ilalabas ayon sa Kanyang kalooban. O, ang pitong kulog na lagi nang nakasara! Dumating na ang panahon upang buksan ang mga ito! Siya na naghahayag sa pitong kulog ay nagpakita na sa ating harapan!
Makapangyarihang Diyos! Sa Iyo, ang lahat ay napalaya at malaya; walang mga hirap, at ang lahat ay dumadaloy nang maayos! Walang nangangahas na humadlang o pumigil sa Iyo, at ang lahat ay nagpapasakop sa Iyo. Sinumang hindi nagpapasakop ay mamamatay!
Makapangyarihang Diyos, ang Diyos na may pitong mata! Lahat ay ganap na malinaw, lahat ay maliwanag at hindi nakakubli, lahat ay naipamalas at nailatag. Sa Kanya, lahat ay may linaw ng kristal, at hindi lamang ang Diyos Mismo ang ganito, kundi ganito rin ang Kanyang mga anak. Walang isa mang tao, walang bagay, at walang anumang pangyayari ang maikukubli sa harap Niya at ng Kanyang mga anak!
Ang pitong bituin ng Makapangyarihang Diyos ay maliwanag! Ginawa Niyang perpekto ang iglesia; inoorden Niya ang Kanyang mga sugo ng iglesia, at ang buong iglesia ay nakapaloob sa Kanyang pagtutustos. Binubuksan Niya ang lahat ng pitong selyo, at Siya Mismo ang nagdudulot na makumpleto ang Kanyang plano ng pamamahala at ang Kanyang kalooban. Ang kasulatan ay ang misteryosong wikang espirituwal ng Kanyang pamamahala at Kanya na itong binuksan at ipinamalas!
Dapat marinig ng lahat ng tao ang Kanyang pitong tumataginting na trumpeta. Sa Kanya, lahat ay nahahayag, hindi na kailanman muling ikukubli, at wala nang dalamhati. Lahat ay naipapamalas at lahat ay matagumpay!
Bukas, maluwalhati, at matagumpay na mga trumpeta ang pitong trumpeta ng Makapangyarihang Diyos! Ang mga ito rin ang mga trumpeta na humahatol sa Kanyang mga kaaway! Sa gitna ng Kanyang tagumpay, ang Kanyang tambuli ay dinadakila! Kanyang pinaghaharian ang buong sansinukob!
Inihanda na Niya ang pitong mangkok ng mga salot, pinuntirya na ang Kanyang mga kaaway, at ibinubuhos ang mga ito nang buo, hanggang sa pinakasukdulang antas, at ang mga kaaway na iyon ay lalamunin ng Kanyang nanlalamong apoy. Ipinapakita ng awtoridad ng Makapangyarihang Diyos ang lakas nito, at ang Kanyang mga kaaway ay pawang nalilipol. Hindi na sasarhan sa harap ng Makapangyarihang Diyos ang pangwakas na pitong kulog; lahat ng iyon ay nabunyag! Lahat ng ito ay nabunyag! Pinapatay Niya ang Kanyang mga kaaway gamit ang pitong kulog, pinatitibay ang mundo at ito ay pinaglilingkod Niya sa Kanya, at hindi na kailanman wawasakin!
Ang matuwid na Makapangyarihang Diyos! Dinadakila Ka namin magpakailanman! Karapat-dapat Ka sa walang katapusang papuri, walang hanggang pagkilala at pagdakila! Hindi lamang gagamitin para sa Iyong paghatol ang Iyong pitong kulog, ngunit higit na gagamitin ito para sa Iyong kaluwalhatian at awtoridad, upang makumpleto ang lahat ng bagay!
Nagdiriwang ang lahat ng tao sa harap ng trono, dinadakila at pinupuri ang Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga huling araw! Niyayanig ng kanilang mga tinig na parang kulog ang buong sansinukob! Walang pasubaling umiiral ang lahat ng bagay dahil sa Kanya, at bumabangon dahil sa Kanya. Sino ang nangangahas na hindi kilalanin na lubos na nagmula sa Kanya ang lahat ng kaluwalhatian, karangalan, awtoridad, karunungan, kabanalan, tagumpay, at mga pahayag? Ito ang katuparan ng Kanyang kalooban, at ito ang huling kaganapan ng pagbubuo ng Kanyang pamamahala!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 34
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 55
Pitong kulog ang nagmumula sa trono, niyayanig ang sansinukob, pinababagsak ang langit at lupa, at umaalingawngaw sa buong himpapawid! Lubhang tumatagos ang tunog sa tainga, at ang mga tao ay hindi makatatakas ni makapagtatago mula rito. Sumasambulat ang kidlat at kulog, ang langit at lupa ay sumasailalim sa matitinding pagbabago, at ang mga tao ay nasa mga huling singhap ng kanilang paghinga. Pagkatapos, kasingbilis ng kidlat na hinagupit ng isang marahas na bagyo ang buong kalawakan, na bumabagsak mula sa langit! Sa bawat sulok ng mga dulo ng mundo, na kasinglinis ng pagligo, walang naiiwan na mantsa, hinuhugasan nito ang lahat mula ulo hanggang paa; walang anumang maitatago mula rito ni hindi matatabingan ang sinumang tao mula rito. Ang mga dagundong ng kulog, gaya ng mga kislap ng kidlat, ay kumikislap nang may matinding liwanag at pinanginginig sa takot ang mga tao! Ang matalas na tabak na may dalawang talim ay humahampas sa mga anak ng pagrerebelde. Nahaharap ang mga kaaway sa sakuna, nang walang mapagtataguan; nahihilo dahil sa paghampas, at, at agad na bumagsak sa umaagos na tubig at natatangay palayo. Kamatayan lamang ang naroon at wala silang anumang pag-asang mabuhay. Ang pitong kulog ay lumalabas mula sa Akin, na nagdadala ng Aking layunin, at humahampas sa mga panganay na anak ng Ehipto, nagpaparusa sa masama, at naglilinis sa Aking mga iglesia, upang ang lahat ay maugnay sa isa’t isa, kumilos nang totoo sa kanilang sarili, at maging kaisang-puso Ko, at upang ang lahat ng iglesia sa buong sansinukob ay maitayo bilang isa. Ito ang Aking layunin.
Ang kulog ay dumadagundong, at ang mga tunog ng pagtangis ay sumusunod dito. Ang ilan ay nagigising mula sa kanilang pagkakatulog, at, matinding nahihintakutan, malalim silang nagninilay-nilay sa sarili at dali-daling bumabalik sa harap ng trono. Tumitigil sila sa palasak na panlilinlang at mga mapangahas na gawain, hindi pa gaanong huli para sa gayong mga tao na magising. Nagmamasid Ako mula sa trono. Sinisiyasat Ko ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Inililigtas Ko ang mga masigasig at marubdob na nagnanais sa Akin, at pinapakitaan Ko sila ng awa. Aking ililigtas tungo sa kawalang-hanggan ang mga nagmamahal sa Akin sa kanilang puso nang higit pa kaysa lahat ng iba, ang mga nakakaunawa sa Aking mga layunin at sumusunod sa Akin hanggang sa pinakadulo ng daan. Hahawakan silang ligtas ng Aking kamay, upang hindi nila harapin ang tagpong ito at hindi sila mapunta sa kapahamakan. Ang ilan ay may paghihirap sa kanilang mga puso na hindi nila maibubulalas kapag nakikita nila ang tanawing ito ng gumuguhit na kidlat, at sukdulan ang kanilang panghihinayang. Kung magpipilit silang kumilos nang ganito, lubhang huli na para sa kanila. O, ang lahat at ang bawat bagay! Lahat ng ito ay mangyayari. Ito rin ay isa sa Aking mga paraan ng pagliligtas. Inililigtas Ko ang mga nagmamahal sa Akin at pinababagsak ang masama, ginagawang matibay at matatag ang Aking kaharian sa lupa, at ipinaaalam sa di-mabilang na mga bayan at mga tao, at bawat tao sa sansinukob at sa mga dulo ng mundo, na Ako ay pagiging kapita-pitagan, Ako ay nanglalamon na apoy, Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaloob-loobang puso ng bawat tao. Mula sa sandaling ito, ang paghatol ng malaking puting trono ay hayagang ibinubunyag sa masa, at sa di-mabilang na mga tao, ipamamalita na ang paghatol ay nagsimula na! Walang duda na ang lahat ng nagsasabi ng isang bagay pero iba ang iniisip, ang mga nagdududa at hindi naglalakas-loob na maging tiyak, ang mga nag-aaksaya ng kanilang oras at nakakaunawa sa Aking mga layunin ngunit hindi handang magsagawa—silang lahat ay dapat mahatulan. Dapat ninyong maingat na siyasatin ang inyong sariling mga intensiyon at mga motibo, at lumagay sa inyong dapat kalagyan; isagawa nang taimtim ang Aking mga sinasabi, tumuon sa inyong karanasan sa buhay, at huwag kumilos nang masigasig para sa mga panlabas na usapin, kundi ang inyong mga buhay ay gawing malago, may kahustuhan, matatag, at may karanasan—saka lamang kayo magiging alinsunod sa Aking mga layunin.
Huwag magbigay sa mga alipin ni Satanas ng anumang mga pagkakataong makapagsamamtala o sa mga gawa ng masasamang espiritu na makapanggambala at makapangwasak sa Aking itinatayo. Dapat silang higpitan nang husto at pigilan; mahaharap lamang sila sa pamamagitan ng paggamit ng matalas na espada. Ang malulubhang kaso ay dapat na mabunot kaagad upang mapigilan ang mga kaguluhan sa hinaharap. At ang iglesia ay magawang perpekto, malaya sa anumang kapansanan, at ito ay magiging malusog, puno ng sigla at lakas. Kasunod ng gumuguhit na kidlat, dumadagundong ang mga kulog. Hindi kayo dapat magpabaya, at hindi kayo dapat sumuko, kundi gawin ang lahat ng inyong makakaya para makahabol, at tiyak na inyong makikita kung ano ang ginagawa ng Aking kamay, kung ano ang sinasadya Kong makamit, kung ano ang Aking itatapon, kung ano ang Aking pineperpekto, kung ano ang Aking binubunot, kung ano ang Aking pinababagsak. Ang lahat ng ito ay magaganap sa harap ng inyong mga mata, binibigyang-daan kayo na makita nang malinaw ang Aking pagkamakapangyarihan-sa-lahat.
Mula sa trono hanggang sa sansinukob at sa mga kadulu-duluhan ng lupa, ang pitong kulog ay umaalingawngaw. Ang isang malaking pangkat ng mga tao ay maliligtas at magpapasailalim ng kanilang sarili sa harap ng Aking trono. Sumusunod sa liwanag ng buhay na ito, naghahanap ang mga tao ng paraan upang mabuhay at hindi nila maiwasang lumapit sa Akin, lumuhod sa pagsamba, at gamit ang kanilang mga bibig ay tumawag sa pangalan ng totoong Diyos na makapangyarihan sa lahat at isatinig ang kanilang mga pakiusap. Ngunit sila na tumututol sa Akin, sila na pinatitigas ang kanilang mga puso, ang kulog ay umaalingawngaw sa kanilang mga tainga, at walang dudang sila ay dapat mamatay. Ito ang simpleng kinalabasan nila. Ang Aking minamahal na mga anak na matagumpay ay tiyak na mananatili sa Sion, at makikita ng di-mabilang na mga tao kung ano ang kanilang makakamit, at malaking kaluwalhatian ang magpapakita sa harap ninyo. Tunay na isa itong ekstraordinaryong malaking pagpapala, at isa itong katamisan na mahirap masabi.
Ang lagapak ng pitong kulog na lumalabas ay kaligtasan nilang mga nagmamahal sa Akin, nilang nagnanasa sa Akin nang may tapat na mga puso. Silang nabibilang sa Akin at silang Aking itinalaga na at hinirang ay makakayang lahat na sumailalim sa Aking pangalan. Maririnig nila ang Aking tinig. Ito pagtawag ng Diyos sa kanila. Ipakita sa mga nasa kadulu-duluhan ng lupa na Ako ay matuwid, Ako ay tapat, Ako ay mapagmahal na kabaitan, Ako ay kahabagan, Ako ay pagiging kapita-pitagan , Ako ay nanglalamon na apoy, at, sa kahuli-hulihan, Ako ay walang-awang paghatol.
Ipakita sa lahat na nasa mundo na Ako ang tunay at ganap na Diyos Mismo. Lahat ng tao ay lubos na kumbinsido, at walang sinumang nangangahas na muling lumaban sa Akin, ni hatulan Ako o siraan Akong muli. Kung hindi, sila ay agad na dadatnan ng mga sumpa at sasapit sa kanila ang sakuna. Makakatangis lamang sila at mapagngangalit ang kanilang mga ngipin, dahil idinulot nila ang kanilang sariling pagkawasak.
Hayaan ang di-mabilang na mga tao na makaalam, ipaalam ito sa buong sansinukob at sa mga dulo ng lupa, sa bawat sambahayan at lahat ng tao: Ang Makapangyarihang Diyos ang nag-iisang tunay na Diyos. Lahat ay isa-isang luluhod para sumamba sa Akin, at kahit ang mga batang katututo pa lamang magsalita ay sisigaw ng “Makapangyarihang Diyos”! Makikita ng mga nanunungkulang nagtataglay ng kapangyarihan gamit ang kanilang sariling mga mata ang tunay na Diyos na nagpapakita sa harapan nila, at sila rin ay magpapatirapa sa pagsamba, na nagsusumamo para sa habag at sa Kanyang kapatawaran, ngunit ito ay totoong huli na, dahil ang sandali ng kanilang pagpanaw ay nakarating na. Maaari lamang silang madala sa kanilang katapusan at masentensiyahan sa walang hanggang kalaliman. Dadalhin Ko ang buong kapanahunan sa katapusan, at lalo pang palalakasin ang Aking kaharian. Ang di-mabilang na mga bayan at mga tao ay susuko sa harap Komagpasawalang-hanggan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 35
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 56
Ang Makapangyarihang tunay na Diyos, ang Haring nakaluklok sa trono, ay namumuno sa buong sansinukob, nakaharap sa di-mabilang na mga bayan at tao, at nagniningning ang maluwalhating liwanag ng Diyos sa buong mundo. Makikita ng lahat ng may buhay sa sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Ang mga bundok, ang mga ilog, ang mga lawa, ang mga lupain, ang mga karagatan, at lahat ng nabubuhay na nilalang ay nagbukas na ng kanilang mga telon sa liwanag ng mukha ng tunay na Diyos, at sila ay muling nabuhay, na parang gumigising mula sa isang panaginip, na parang sila ay mga usbong na sumisibol mula sa lupa!
Ah! Ang nag-iisang tunay na Diyos ay nagpapakita sa harap ng mga tao sa mundo. Sinong mangangahas na tratuhin Siya nang may paglaban? Ang lahat ay nanginginig sa takot. Ang lahat ay lubos na nakumbinsi, at ang lahat ay paulit-ulit na nagsusumamo para sa awa at Kanyang kapatawaran. Ang di-mabilang na mga tao ay lumuluhod sa harap Niya, at sinasamba Siya ng di-mabilang na mga bibig! Ang mga kontinente at mga karagatan, ang mga bundok, ang mga ilog, at lahat ng bagay ay nagpupuri sa Kanya nang walang katapusan! Ang mainit-init na mga simoy ng hangin, na may kasamang ihip ng tagsibol, ay nagdadala ng magaan at walang-tigil na ulan ng tagsibol. Ang mga lumalagaslas na batis at ang maraming tao ay magkatulad, kapwa puno ng dalamhati at galak, nagbubuhos ng mga luha ng pagkakautang at paninisi sa sarili. Ang mga ilog, ang mga lawa, ang mga alon at mga daluyong ay umaawit lahat, pinupuri ang banal na pangalan ng tunay na Diyos! Ang tinig ng pagpuri ay umaalingawngaw nang napakalinaw! Ang mga lumang bagay na minsang ginawang tiwali ni Satanas—ang bawat isa sa mga ito ay muling gagawing bago at babaguhin at papasok sa isang ganap na bagong mundo …
Ito ang banal na trumpeta, at nagsimula na itong tumunog! Pakinggan ito. Yaong tunog na napakatamis ay ang pagbigkas ng trono. Inaanunsiyo nito sa bawat bayan at bawat isa sa hinirang na mga tao ng Diyos na sumapit na ang panahon, narito na ang kinalabasan ng mga huling araw, tapos na ang Aking plano ng pamamahala, ang Aking kaharian ay hayagan nang nagpakita sa lupa, at ang mga kaharian sa mundo ay naging Aking kaharian, Ako na siyang Diyos. Ang Aking pitong trumpeta ay tumutunog mula sa trono, at magaganap ang mga napakakamangha-manghang bagay! Ang mga tao mula sa mga dulo ng mundo ay nagmamadaling magsama-sama mula sa bawat direksyon nang may lakas ng isang daluyong at kapangyarihan ng mga kidlat at kulog….
Tinitingnan Ko nang may galak ang Aking mga tao, na nakakarinig sa Aking tinig at nagtitipon mula sa bawat bansa at lupain. Ang maraming tao, na bukambibig ang tunay na Diyos, ay nagpupuri at lumulukso nang walang katapusan! Nagpapatotoo sila sa mga tao sa mundo, at ang tunog ng kanilang patotoo sa tunay na Diyos ay katulad ng dumadagundong na tunog ng maraming katubigan. Ang maraming tao ay dadagsa sa Aking kaharian.
Tumutunog ang Aking pitong trumpeta, na gumigising sa mga natutulog! Bumangon ka agad, hindi pa huli ang lahat. Alagaan mo ang iyong buhay! Buksan mo ang iyong mga mata at tingnan kung anong oras na ngayon. Ano pa ang dapat hanapin? Ano pa ang dapat pag-isipan? At ano pa ang kakapitan? Hindi mo ba kailanman naisaalang-alang ang kaibahan ng halaga sa pagitan ng pagkakamit ng Aking buhay at pagkakamit ng kung ano ang minamahal at kinakapitan mo? Huwag nang maging sutil o maglaro-laro. Huwag mong palampasin ang pagkakataong ito. Ang sandaling ito ay hindi na muling darating! Agad kang tumayo, magkaroon ng kakayahang sanayin ang sarili mo sa paggamit ng iyong espiritu, magkaroon ng kakayahang gumamit ng sari-saring kasangkapan para makilatis at mahadlangan ang maraming pakana at panlilinlang ni Satanas, at magtagumpay ka laban kay Satanas, upang mas lumalim ang iyong buhay karanasan at maisabuhay mo ang Aking disposisyon, upang maging hinog at magkaroon ng maraming karanasan ang iyong buhay, at palagi kang makasabay sa Aking mga yapak. Huwag panghinaan ng loob o maging mahina, kundi palaging kumilos pasulong, paisa-isang hakbang, tuluy-tuloy hanggang sa dulo ng daan!
Kapag tumunog muli ang pitong trumpeta, ito ang magiging tunog ng trumpeta ng paghatol, paghatol sa mga anak ng paghihimagsik, paghatol sa di-mabilang na mga bayan at tao, at bawat bansa ay susuko sa harap ng Diyos. Ang maluwalhating mukha ng Diyos ay tiyak na magpapakita sa harap ng di-mabilang na mga bayan at tao. Bawat isa ay lubos na makukumbinsi, at tatawag sa tunay na Diyos nang walang katapusan. Ang Diyos na makapangyarihan sa lahat ay lalo pang magiging maluwalhati, at Ako at ang Aking mga anak ay magkakamit ng kaluwalhatian at sama-samang maghahari, hinahatulan ang di-mabilang na mga bayan at tao, pinarurusahan ang masama, inililigtas at kinahahabagan ang mga taong nahirang Ko, at ginagawang matibay at matatag ang kaharian. Sa pamamagitan ng tunog ng pitong trumpeta, napakaraming tao ang maliligtas, na babalik sa harap Ko upang lumuhod at sumamba na may patuloy na pagpupuri!
Kapag muli pang tumunog ang pitong trumpeta, ito ang magiging panghuling bahagi ng kapanahunan, ang pagtunog ng trumpeta ng tagumpay laban sa mga diyablo at kay Satanas, ang pagpupugay na nagdedeklara ng pagsisimula ng hayagang pamumuhay sa kaharian sa lupa! Sadyang napakatayog na tunog, itong tunog na umaalingawngaw sa palibot ng trono, itong pagtunog ng trumpetang yumayanig sa langit at lupa, na siyang tanda ng tagumpay ng Aking plano ng pamamahala, at na nagmamarka ng paghatol kay Satanas; hinahatulan nito ang lumang mundong ito ng ganap na kamatayan, na maitapon sa walang hanggang hukay! Ang pagtunog na ito ng trumpeta ay nagpapahiwatig na magsasara na ang tarangkahan ng biyaya, na ang buhay ng kaharian ay magsisimula na sa lupa, na tama at marapat. Inililigtas ng Diyos yaong mga nagmamahal sa Kanya. Sa sandaling bumalik ang mga ito sa Kanyang kaharian, ang mga tao sa lupa ay haharap sa taggutom at salot, at ang pitong mangkok at pitong salot ng Diyos ay pakakawalan nang sunod-sunod. Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit hindi lilipas ang Aking salita!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 36
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 57
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan siya ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado kailanman na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat kapwa ka isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging nakakamit nila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang kalagayan ng mga bagay-bagay, at hindi ka naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kaya hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Hindi mapipigilan at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa luma at naghihintay na dumating na lang sa iyo ang mga bagay-bagay. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano nito maipapakita na ang Diyos na kinakapitan mo ay ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mo nang libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito na hanapin ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay mga salita lamang na makapagbibigay ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga Kasulatang binabasa mo ay nakapagpapayaman lamang ng dila mo; ang mga ito ay hindi mga salita ng karunungan na makatutulong sa iyo na maunawaan ang buhay ng tao, ang mga ito ay lalong hindi ang landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t binibigyan ka ng pagkakaibang ito ng dahilan para magnilay? Hindi ba’t binibigyan ka nito ng kabatiran sa mga misteryong nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagparito ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa mo ang kaligayahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Hinihikayat kita, kung gayon, na tumigil na sa pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo ito gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pintuan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makararaan kung hindi sa pamamagitan Niya. Walang mapeperpekto ng Diyos kung hindi sa pamamagitan ni Cristo. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang Daan. Huwag kang mag-isip lang na magkamit ng mga pagpapala habang hindi mo naman magawang tanggapin ang katotohanan at ang pagtustos ng buhay. Pumaparito si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay tiyak kang masusunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang nararapat na ganting-parusa sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit pa gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang di-mahalagang tao ang tinatanggihan mo, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag mong ilabas ang iyong mga pangil at iwasiwas ang iyong mga kuko at huwag kang magsabi ng mga walang batayang komento sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muling isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 58
Na ang Aking mga misteryo ay ibinubunyag at bukas na namamalas, at hindi na nakatago, ay lubusang dahil sa Aking biyaya at awa. Higit pa rito, na ang Aking salita ay lumilitaw sa gitna ng mga tao, at hindi na natatakpan, ay dahil din sa Aking biyaya at awa. Mahal Ko ang lahat na taos-pusong gumugugol ng kanilang mga sarili para sa Akin at iniaalay ang kanilang mga sarili sa Akin. Namumuhi Ako sa lahat ng isinilang mula sa Akin pero hindi Ako kilala, at lumalaban pa sa Akin. Hindi Ko aabandonahin ang sinuman na taos-pusong para sa Akin; sa halip, dodoblehin Ko ang mga pagpapala ng taong iyon. Parurusahan Ko nang doble yaong mga kumakagat sa kamay ng nagpapakain sa kanila, at hinding-hindi Ko sila basta hahayaan nang ganoon na lamang. Sa Aking kaharian, walang kabuktutan o panlilinlang, at walang kamunduhan; iyon ay, walang amoy ng bangkay. Sa halip, ang lahat ay pagkamatuwid at katuwiran; ang lahat ay dalisay na pagiging simple at bukas, na walang nakatago o lingid. Ang lahat ay sariwa, ang lahat ay kasiyahan, at ang lahat ay pagpapahusay. Ang sinumang nangangamoy-patay pa rin ay hindi maaaring manatili sa Aking kaharian, at sa halip ay pamumunuan ng Aking bakal na pamalo. Ang lahat ng walang-katapusang misteryo, mula noong unang panahon hanggang kasalukuyan, ay ganap na ibinubunyag sa inyo—ang pangkat ng mga taong nakamit Ko sa mga huling araw. Hindi mo ba nararamdamang pinagpala ka? Higit pa rito, ang mga araw kung kailan lantarang ibubunyag ang lahat ay ang mga araw kung kailan kayo’y magiging bahagi ng Aking paghahari.
Ang pangkat ng mga taong tunay na naghahari ay umaasa sa Aking predestinasyon at pagpili, at ganap na walang kalooban ng tao rito. Ang sinumang nangangahas na makibahagi rito ay kailangang makaranas ng pagpaparusa mula sa Aking kamay, at ang gayong mga tao ay magiging pakay ng Aking nag-aalab na poot; ito ay isa pang panig ng Aking katuwiran at kamahalan. Nasabi Ko nang pinaghaharian Ko ang lahat ng bagay, Ako ang marunong na Diyos na may hawak ng buong kapangyarihan, at Ako ay mahigpit sa lahat; ganap Akong walang awa, at ganap na walang personal na damdamin. Tinatrato Ko ang lahat (kahit na gaano siya kahusay magsalita, hindi Ko siya bibitawan) gamit ang Aking katuwiran, pagkamatuwid, at kamahalan, habang binibigyang-kakayahan ang lahat na makita nang mas malinaw ang pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa, pati na rin ang kahulugan ng Aking mga gawa. Isa-isa, pinarusahan Ko ang masasamang espiritu para sa lahat ng uri ng pagkilos na kanilang ginagawa, ibinubulid silang isa-isa sa walang-hanggang kalaliman. Ang gawaing ito ay tinapos Ko bago nagsimula ang panahon, iniwan ang mga ito na walang posisyon, iniwan ang mga ito na walang lugar para gawin ang kanilang gawain. Wala sa Aking mga piniling tao—yaong mga paunang-itinadhana at pinili Ko—ang maaaring sapian ng masasamang espiritu kailanman, at sa halip ay laging magiging banal. Samantalang ang mga hindi paunang-itinadhana at napili, ipapasa Ko sila kay Satanas, at hindi Ko na sila hahayaang manatili. Sa lahat ng aspeto, nakapaloob sa Aking mga atas administratibo ang Aking katuwiran at Aking kamahalan. Wala Akong pakakawalan kahit isa sa mga kinikilusan ni Satanas, kundi itatapon sila kasama ang kanilang mga katawan sa Hades, dahil galit Ako kay Satanas. Hindi Ko ito basta-basta pakakawalan, kundi ganap itong wawasakin, hindi ito binibigyan ng bahagya mang pagkakataong gawin ang gawain nito. Ang lahat ng sinira na ni Satanas sa anumang paraan (iyon ay, ang mga layon ng sakuna) ay nasa ilalim ng mahusay na pagsasaayos ng Aking sariling kamay. Huwag mong isiping ito ay nangyari bunga ng kabangisan ni Satanas; alamin mo na Ako ang Makapangyarihang Diyos na namumuno sa buong sansinukob at sa lahat ng bagay! Para sa Akin, walang problemang hindi nalulutas, at lalo nang walang anumang bagay na hindi nagagawa o anumang salitang hindi nabibigkas. Ang mga tao ay hindi dapat kumilos bilang Aking mga tagapayo. Mag-ingat kang maibagsak ng Aking kamay at maitapon sa Hades. Sinasabi Ko ito sa iyo! Ang mga aktibong nakikipagtulungan sa Akin ngayon ay ang pinakamatatalino, at maiiwasan nila ang mga kawalan at matatakasan ang sakit ng paghatol. Lahat ng ito ay Aking mga pagsasaayos, paunang-itinadhana Ko. Huwag kang magkomento nang bulgar at huwag kang magsalita nang pabalang, iniisip na ikaw ay napakagaling. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay sa pamamagitan ng Aking paunang pagtatadhana? Kayo, na magiging mga tagapayo Ko, ay mga walang hiya! Hindi ninyo alam ang inyong sariling tayog; kung gaano ito kababa! Magkagayon man, akala ninyo ay maliit na bagay lamang ito, at hindi ninyo nakikilala ang inyong mga sarili. Lagi na lamang, hindi kayo nakikinig sa Aking mga salita, na nagsasanhi para mawalan ng kabuluhan ang Aking maiingat na pagsisikap, at hindi man lamang napapagtanto na ang mga ito ay mga pagpapamalas ng Aking biyaya at awa. Sa halip, sinusubukan ninyong ipakita ang inyong sariling katalinuhan nang paulit-ulit. Natatandaan niyo ba ito? Anong pagkastigo ang dapat matanggap ng mga tao na nag-aakalang napakagaling nila? Walang pakialam at hindi tapat sa Aking mga salita, at hindi isinasapuso ang mga ito, ginagamit ninyo Ako bilang pagpapanggap para gawin ang ganito at ganyan. Mga masasamang tao! Kailan ninyo makakayang ganap na isaalang-alang ang Aking puso? Wala kayong pagsasaalang-alang dito kaya’t ang pagtawag sa inyo na “masasama” ay hindi pagmamaltrato sa inyo. Talagang bagay na bagay ito sa inyo!
Ngayon, ipinakikita Ko sa inyo, isa-isa, ang mga bagay na dati ay nakatago. Ang malaking pulang dragon ay itinatapon sa walang-hanggang kalaliman at lubusang winawasak, dahil talagang walang kuwentang panatilihin pa ito; ibig sabihin ay hindi nito napagsisilbihan si Cristo. Pagkatapos nito, mawawala na ang mga pulang bagay; unti-unti, magugunaw ang mga ito hanggang sa mawala. Ginagawa Ko ang sinasabi Ko; ito ang kaganapan ng Aking gawain. Alisin ang mga pantaong kuru-kuro; lahat ng nasabi Ko, Aking nagawa. Ang lahat ng nagmamarunong ay nagdadala lang ng kapahamakan at pagkadusta sa kanilang sarili, at ayaw mabuhay. Samakatuwid, bibigyang-kasiyahan Kita, at tiyak na hindi Ko pananatilihin ang mga gayong tao. Pagkatapos nito, ang populasyon ay aangat sa kahusayan, habang ang mga di-aktibong nakikipagtulungan sa Akin ay tatangayin papunta sa kawalan. Ang mga sinang-ayunan Ko ay silang mga gagawin Kong perpekto, at wala Akong itatakwil ni isa. Walang mga pagsasalungatan sa Aking sinasabi. Ang mga hindi aktibong nakikipagtulungan sa Akin ay magdurusa ng higit pang pagkastigo, bagaman, sa kahuli-hulihan ay tiyak na ililigtas Ko sila. Gayunpaman, pagdating ng panahong iyon, ang lawak ng kanilang mga buhay ay magiging iba. Gusto mo bang maging ganoong tao? Bumangon ka at makipagtulungan sa Akin! Tiyak na hindi Ko tatratuhin nang masama ang sinumang matapat na gumugugol ng kanilang mga sarili sa Akin. Kayong mga taos-pusong naglalaan ng inyong mga sarili sa Akin, ipagkakaloob Ko ang lahat ng Aking pagpapala sa iyo. Ialay mo nang lubusan ang iyong sarili sa Akin! Kung ano ang iyong kinakain, kung ano ang iyong isinusuot, at ang iyong kinabukasan ay lahat nasa Aking mga kamay; isasaayos Ko ang lahat nang tama, nagtutulot sa iyong magtamasa nang walang-humpay at magkaroon ng hindi nauubos na panustos. Ito ay dahil sinabi Ko, “Kayong mga taos-pusong gumugugol para sa Akin, kayo ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” Ang lahat ng pagpapala ay darating sa bawat taong taos-pusong gumugugol ng kanyang sarili para sa Akin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 70
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 59
Ipinagbubunyi Ako ng dagsa-dagsa ng Aking mga tao, pinupuri Ako ng dagsa-dagsa ng Aking mga tao; ang di-mabilang na mga bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos, ang di-mabilang na mga tao ay tumitingala, tumitingin sa malayo upang masdan ang Aking mga gawa. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng tao, ang Aking persona ay mayaman at sagana. Sino ang hindi magagalak dito? Sino ang hindi sasayaw sa galak? O, Sion! Itaas ang iyong matagumpay na bandila upang ipagbunyi Ako! Awitin ang iyong awit ng tagumpay upang iproklama ang Aking banal na pangalan! Lahat ng nilikha hanggang sa mga dulo ng daigdig! Magmadaling linisin ang inyong sarili upang kayo ay maging mga alay sa Akin! Ang dagsa-dagsang bituin sa itaas! Magmadaling bumalik sa inyong lugar upang ipakita ang Aking dakilang kapangyarihan sa kalawakan! Nakikinig Ako nang mabuti sa mga tinig ng Aking mga tao sa lupa, na ibinubuhos ang kanilang walang-hanggang pagmamahal at pagpipitagan sa Akin sa awit! Sa araw na ito, kung kailan lahat ng nilikha ay muling sumisigla, Ako ay bumababa sa mundo ng tao. Sa mismong sandaling ito, lahat ng bulaklak ay mag-uunahang mamukadkad, lahat ng ibon ay sabay-sabay na aawit, lahat ng bagay ay mapupuno ng labis na kagalakan! Sa gitna ng mga pagpupugay ng kanyon ng kaharian, bumabagsak ang kaharian ni Satanas, napuksa sa dagundong ng awit ng kaharian, hindi na babangong muli kailanman!
Sino sa lupa ang nangangahas na bumangon at lumaban? Habang Ako ay bumababa sa lupa, dala Ko ay pagsunog, dala Ko ay poot, dala Ko ay lahat ng sakuna. Ang mga kaharian sa lupa ay Akin nang kaharian ngayon! Sa kalangitan, gumugulong at umaalon ang mga ulap; sa ilalim ng langit, ang mga lawa at mga ilog ay rumaragasa at masayang bumubuo ng isang nakaaantig na himig. Naglalabasan ang nagpapahingang mga hayop mula sa kanilang lungga, at ang di-mabilang na mga tao Ko ay ginigising Ko mula sa kanilang pagtulog. Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay ng di-mabilang na mga tao Ko! Inaalay nila ang pinakamagagandang awit sa Akin!
Sa magandang sandaling ito, sa nakakapanabik na panahong ito,
matunog ang papuri sa lahat ng dako, sa kalangitan sa itaas at sa lupa sa ibaba. Sino ang hindi masasabik dito?
Kaninong puso ang hindi gagaan? Sino ang hindi mapapaiyak sa tagpong ito?
Ang langit ay hindi na ang dating langit, ito na ngayon ang langit ng kaharian.
Ang lupa ay hindi na ang dating lupa, ito na ngayon ay lupang banal.
Pagkaraan ng isang malakas na ulan, lubusang naging bago ang maruming dating mundo.
Nagbabago ang kabundukan … nagbabago ang katubigan …
nagbabago rin ang mga tao … nagbabago ang lahat ng bagay….
Ah, tahimik na kabundukan! Magbangon at magsayawan para sa Akin!
Ah, payapang katubigan! Patuloy na umagos!
Kayong mga nananaginip! Gumising kayo at maghabol!
Narito na Ako … at Ako ang Hari….
Makikita ng lahat sa sarili nilang mga mata ang Aking mukha, maririnig ng sarili nilang mga tainga ang Aking tinig,
mamumuhay sila mismo ng buhay sa kaharian….
Kaytamis … kayganda….
Di-malilimutan … imposibleng malimutan….
Sa pagsusunog ng Aking poot, nagpupumiglas ang malaking pulang dragon;
sa Aking maharlikang paghatol, ipinapakita ng mga diyablo ang kanilang tunay na anyo;
sa Aking mahihigpit na salita, lahat ng tao ay lubhang nahihiya, at walang mapagtaguan.
Ginugunita nila ang nakaraan, kung paano nila Ako tinuya at pinagtawanan,
kung paanong hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataon na hindi sila nagpasikat, ni ng pagkakataon na hindi sila naghimagsik laban sa Akin.
Subalit ngayon, sino ang hindi umiiyak? Sino ang hindi kumokondena sa sarili nila?
Puno ng iyakan ang buong mundo ng sansinukob …
puno ng mga tunog ng kagalakan … puno ng mga natutuwang boses….
Walang-katulad na kasiyahan … kasiyahan na walang-katulad….
Tumatagiktik ang mahinang ulan … mabibigat na tipak ng pumapagaspas na niyebe….
Sa kalooban ng mga tao, magkahalong lungkot at saya … naghahalakhakan ang ilan …
humihikbi ang ilan … at nagbubunyi ang ilan….
Para bang nalimutan ng lahat … kung ito ay tagsibol na makulimlim at maulan,
isang tag-araw ng namumukadkad na mga bulaklak, isang taglagas ng masasaganang ani,
o isang taglamig na sinlamig ng nagyelong hamog at yelo, walang nakakaalam….
Sa langit ay naglalayag ang mga ulap, sa lupa ay rumaragasa ang mga karagatan.
Ikinakaway ng dagsa-dagsa sa Aking mga anak ang kanilang mga bisig … iginagalaw ng dagsa-dagsa sa Aking mga tao ang kanilang mga paa para sumayaw….
Gumagawa ang mga anghel … nagpapastol ang mga anghel….
Abalang-abala ang mga tao sa lupa, at dumarami ang lahat ng bagay sa lupa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Awit ng Kaharian
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 60
Bawat tao sa sangkatauhan ay dapat tanggapin na masiyasat ng Aking Espiritu, dapat nilang suriing mabuti ang bawat salita at kilos nila, at, higit pa riyan, dapat nilang tingnan ang Aking kamangha-manghang mga gawa. Ano ang pakiramdam ninyo sa panahon ng pagdating ng kaharian sa lupa? Kapag nagdagsaan ang Aking mga anak at mga tao sa Aking luklukan, pormal Kong sinisimulan ang paghatol sa harap ng malaking puting luklukan. Ibig sabihin, kapag sinisimulan Ko ang Aking gawain sa lupa nang personal, at kapag ang panahon ng paghatol ay malapit nang magwakas, sinisimulan Kong ituon ang Aking mga salita sa buong sansinukob, at inilalabas ang tinig ng Aking Espiritu sa buong sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, huhugasan Ko nang malinis ang bawat tao at bagay sa langit at lupa at lahat ng bagay, kaya’t ang lupain ay hindi na marumi at malaswa, kundi isang banal na kaharian. Paninibaguhin Ko ang lahat ng bagay, upang mailaan ang mga iyon para magamit Ko, upang hindi na mag-amoy lupa ang mga iyon, at hindi na mabahiran ng lasa ng lupa. Sa lupa, nangapa na ang tao para sa layon at mga pinagmumulan ng Aking mga salita, at naobserbahan na ang Aking mga gawa, subalit walang sinumang tunay na nakaalam sa mga pinagmumulan ng Aking mga salita, at walang sinumang tunay na nakakita sa pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa. Ngayon lamang, na personal Akong pumaparito sa gitna ng tao at binibigkas ang Aking mga salita, nagkaroon ng kaunting pagkakilala ang tao tungkol sa Akin, na nag-aalis sa puwang na sakop “Ko” sa kanyang mga kaisipan, at sa halip ay lumilikha ng isang puwang para sa praktikal na Diyos sa kanyang kamalayan. Ang tao ay may mga kuru-kuro at puno ng pag-uusisa; sino ang hindi magnanais na makita ang Diyos? Sino ang hindi magnanais na makaugnayan ang Diyos? Subalit tanging ang Diyos na nadarama ng tao na malabo at abstrakto ang umookupa ng tiyak na puwang sa puso ng tao. Sino ang makatatanto nito kung hindi Ko sinabi sa kanila nang malinaw? Sino ang tunay na maniniwala na Ako ay talagang umiiral? Talaga bang hindi sila magkakaroon ng kahit kaunting pagdududa tungkol dito? May malaking pagkakaiba sa pagitan ng “Ako” sa puso ng tao at ng “Ako” ng realidad, at walang sinumang may kakayahang ikumpara ang mga ito. Kung hindi Ako naging tao, hindi Ako kailanman makikilala ng tao, at kahit nakilala niya Ako, hindi ba isang kuru-kuro pa rin ang gayong pagkakilala? Bawat araw ay naglalakad Ako sa gitna ng walang-tigil na daloy ng mga tao, at bawat araw ay gumagawa Ako sa loob ng bawat tao. Kapag Ako ay tunay na nakita ng tao, makikilala niya Ako sa Aking mga salita, at maaarok ang mga kaparaanan ng Aking pagsasalita gayundin ang Aking mga layunin.
Kapag ang kaharian ay pormal na dumating sa lupa, ano, sa lahat ng bagay, ang hindi tahimik? Sino, sa gitna ng di-mabilang na mga tao, ang hindi natatakot? Lumalakad Ako sa lahat ng dako ng sansinukob na mundo, at lahat ng bagay ay personal Kong isinaayos. Sa panahong ito, sino ang hindi nakakaalam na ang Aking mga gawa ay kamangha-mangha? Sinusuportahan ng Aking mga kamay ang lahat ng bagay, subalit nangingibabaw rin Ako sa lahat ng bagay. Ngayon, Ako ay nagkatawang-tao at personal na pumarito sa gitna ng tao—hindi ba’t ito ang totoong kahulugan ng Aking pagpapakumbaba at pagiging tago? Sa panlabas, maraming taong pumapalakpak at pumupuri na Ako ay marilag, ngunit sino ang tunay na nakakakilala sa Akin? Ngayon, bakit Ko hinihiling na kilalanin ninyo Ako? Hindi ba ang layunin Ko ay ipahiya ang malaking pulang dragon? Ayaw Kong mapilitan ang tao na purihin Ako, kundi na kilalanin Ako, na magiging daan upang mahalin niya Ako, at sa gayon ay purihin Ako. Ang gayong papuri ay karapat-dapat sa katawagan nito, at hindi hungkag na pananalita; ganitong papuri lamang ang maaaring umabot sa Aking luklukan at pumailanlang sa kalangitan. Dahil natukso at nagawang tiwali na ni Satanas ang tao, dahil naokupa na siya ng mga kuru-kuro at pag-iisip, naging tao Ako upang personal na lupigin ang buong sangkatauhan, upang ilantad ang lahat ng kuru-kuro ng tao, at upang basagin ang iniisip ng tao. Dahil dito, hindi na nagpapasikat ang tao sa Aking harapan, at hindi na muling naglilingkod sa Akin gamit ang sarili niyang mga kuru-kuro, at sa gayon ay ganap nang naiwaksi ang “Ako” sa mga kuru-kuro ng tao. Kapag dumating ang kaharian, ang una Kong ginagawa ay simulan ang yugtong ito ng gawain, at ginagawa Ko iyon sa gitna ng Aking mga tao. Bilang Aking mga tao na isinilang sa bansa ng malaking pulang dragon, tiyak na hindi lamang kaunti, o isang bahagi, ng lason ng malaking pulang dragon ang nasa inyong kalooban. Sa gayon, ang yugtong ito ng Aking gawain ay pangunahing nakatutok sa inyo, at ito ay isang aspekto ng kabuluhan ng Aking pagkakatawang-tao sa Tsina. Karamihan sa mga tao ay hindi kayang maarok kahit ang kapiraso ng mga salitang Aking sinasambit, at kapag nagagawa nila, malabo at magulo ang kanilang pagkaunawa. Ito ay isang punto ng pagbabago sa pamamaraan ng Aking pagsasalita. Kung nababasa ng lahat ng tao ang Aking mga salita at naunawaan ang kahulugan ng mga iyon, sino sa gitna ng tao ang maliligtas, at hindi maitatapon sa Hades? Kapag nakikilala at nagpapasakop sa Akin ang tao, iyon ang panahon na magpapahinga Ako, at iyon mismo ang sandali na maaarok ng tao ang kahulugan ng Aking mga salita. Ngayon, napakababa ng inyong tayog—sadyang kahabag-habag na napakababa nito, hanggang sa antas na ni hindi ito maiangat—at lalo pa ngang napakababa ng inyong pagkakilala sa Akin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 11
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 61
Kapag kumikidlat mula sa Silangan, ito rin mismo ang sandali na nagsisimula Akong bigkasin ang Aking mga salita—kapag kumikidlat, ang buong langit ay natatanglawan, at nagbabago ng anyo ang lahat ng bituin. Ang buong sangkatauhan ay para bagang sumailalim sa isang pagpapalis. Sa ilalim ng kinang ng sinag ng liwanag na ito mula sa Silangan, nahayag ang buong sangkatauhan sa kanilang orihinal na anyo, nasisilaw ang mga mata, hindi tiyak ang gagawin, at hindi pa rin gaanong sigurado kung paano itatago ang kanilang mga pangit na hitsura. Para din silang mga hayop, nagsisitakas mula sa Aking liwanag at sumisilong sa mga kuweba sa bundok, subalit walang anumang puwedeng mabura mula sa sakop ng Aking liwanag. Lahat ng tao ay labis na namamangha, lahat ay naghihintay, lahat ay nagmamasid; sa pagdating ng Aking liwanag, nararamdaman ng lahat na masuwerte sila sa araw na sila ay isinilang, at gayundin, isinusumpa ng lahat ang araw na sila ay isinilang. Ang magkakasalungat na damdamin ay mahirap bigkasin; ang mga luha ng pagpaparusa sa sarili ay nagbubuo ng mga ilog, at natatangay palayo ng sunod-sunod na rumaragasang tubig, naglalaho nang walang bakas sa isang iglap. Minsan pa, palapit nang palapit ang Aking araw sa buong sangkatauhan, minsan pang pumupukaw sa sangkatauhan, na nagbibigay sa sangkatauhan ng isa pang bagong simula. Nag-uumapaw ang puso Ko at ang kabundukan ay tumatalon sa maindayog at masayang saliw, nagsasayawan sa galak ang katubigan, at humahampas ang mga alon sa batuhan. Mahirap ipahayag kung ano ang nasa puso Ko. Susunugin ang lahat ng maruming bagay hanggang sa maging abo sa ilalim ng Aking titig; papawiin Ko ang lahat ng anak ng paghihimagsik mula sa harap ng Aking mga mata, at hindi na umiral pa kailanman. Hindi lamang Ako nakagawa ng isang bagong simula sa tirahan ng malaking pulang dragon, nagsimula na rin Akong pumasok sa bagong gawain sa sansinukob. Hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magiging Aking kaharian; hindi maglalaon, ang mga kaharian sa lupa ay magwawakas na lahat magpakailanman dahil sa Aking kaharian, dahil nakamtan Ko na ang tagumpay, dahil nakabalik na Ako nang matagumpay. Naubos na ng malaking pulang dragon ang lahat ng paraang maiisip upang sirain ang Aking plano, sa pag-asang mabura ang Aking gawain sa lupa, ngunit maaari ba Akong masiraan ng loob dahil sa mga pakana nito? Maaari ba Akong matakot hanggang sa mawalan Ako ng tiwala dahil sa mga banta nito? Hindi pa nagkaroon kailanman ng kahit isang nilalang sa langit o sa lupa na hindi Ko nahawakan sa palad ng Aking kamay; gaano pa ito higit na totoo sa malaking pulang dragon, na nagsisilbing mapaghahambingan sa Akin? Hindi ba isa rin itong bagay na paiikutin sa Aking mga kamay?
Nang magkatawang-tao Ako sa mundo ng tao, dumating na ang sangkatauhan, sa ilalim ng Aking patnubay, nang hindi sinasadya sa araw na ito at dumating nang hindi sinasadya upang makilala Ako. Ngunit, hinggil sa kung paano tahakin ang landas sa hinaharap, walang sinumang may ideya, walang sinumang nakakaalam—at lalo pang walang sinumang may ideya kung saang direksyon sila dadalhin ng landas na iyon. Sa pagbabantay lamang sa kanila ng Makapangyarihan sa lahat matatahak ng sinuman ang landas hanggang wakas; sa paggabay lamang ng kidlat sa Silangan matatawid ng sinuman ang pintuan papasok sa Aking kaharian. Sa gitna ng mga tao, wala pang sinumang nakakita sa Aking mukha kailanman, o sinumang nakakita sa kidlat sa Silangan; paano pa kaya magkakaroon ng sinuman na nakarinig sa mga pagbigkas mula sa Aking luklukan? Sa katunayan, noon pa mang unang panahon, wala pa ni isang taong tuwirang nakipag-ugnayan sa Aking persona; ngayon lamang nagkaroon ng pagkakataon ang mga tao, ngayong naparito na Ako sa mundo, na makita Ako. Ngunit kahit ngayon, hindi pa rin Ako kilala ng mga tao, tulad ng tinitingnan lamang nila ang Aking mukha at naririnig lamang ang Aking tinig subalit hindi nauunawaan ang ibig Kong sabihin. Ganito ang lahat ng tao. Bilang isa sa Aking mga tao, wala ba kayong nadaramang matinding karangalan kapag nakikita ninyo ang Aking mukha? At wala ba kayong nadaramang kahihiyan dahil hindi ninyo Ako kilala? Naglalakad Ako sa piling ng mga tao, at namumuhay Ako kasama nila, sapagkat Ako ay naging tao at naparito Ako sa mundo ng tao. Ang Aking layunin ay hindi lamang upang masilayan ng sangkatauhan ang Aking katawang-tao; ang mas mahalaga, ito ay upang makilala Ako ng sangkatauhan. Bukod pa riyan, sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, hahatulan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga kasalanan; sa pamamagitan ng Aking nagkatawang-taong laman, igugupo Ko ang malaking pulang dragon at sisirain Ko ang kuta nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 12
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 62
Ipinagdiriwang ng lahat ng tao sa buong sansinukob ang pagdating ng Aking araw, at lumalakad ang mga anghel sa piling ng hinirang na mga tao Ko. Kapag nagsasanhi ng kaguluhan si Satanas, ang mga anghel, dahil sa kanilang paglilingkod sa langit, ay laging tumutulong sa Aking mga tao. Ang mga anghel ay hindi naililigaw ng diyablo dahil sa kahinaan ng tao ngunit, dahil sa mabangis na pagsalakay ng mga puwersa ng kadiliman, lalo silang nagsisikap na maranasan ang buhay ng tao sa gitna ng hamog. Sumusuko ang lahat ng hinirang na mga tao Ko sa ilalim ng Aking pangalan, at walang sinumang tumitindig upang lantaran Akong kalabanin. Dahil sa gawain ng mga anghel, tinatanggap ng tao ang Aking pangalan, at lahat ay nasa gitna ng daloy ng Aking gawain. Bumabagsak ang sanlibutan! Paralisado ang Babilonia! Ah, ang relihiyosong mundo! Paanong hindi ito mawawasak ng Aking awtoridad sa lupa? Sino ang nangangahas pa ring maghimagsik at kumalaban sa Akin? Ang mga eskriba? Lahat ng opisyal ng mga relihiyon? Ang mga pinuno at awtoridad sa lupa? Ang mga anghel? Sino ang hindi nagdiriwang sa pagkaperpekto at kapuspusan ng Aking katawan? Sa gitna ng di-mabilang na hinirang na mga tao Ko, sino ang hindi umaawit ng mga papuri nang walang tigil, at sino ang walang maliw ang kaligayahan, nang dahil sa Akin? Namumuhay Ako sa lupain ng pugad ng malaking pulang dragon, subalit hindi ito nagiging sanhi na manginig Ako sa takot o tumakbo palayo, sapagkat lahat ng tao nito ay nagsimula nang mamuhi rito. Walang anumang bagay ang nakagampan ng “tungkulin” nito sa harap ng dragon para sa kapakanan ng dragon; sa halip, ang lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa nakikita ng mga ito na angkop, at bawat isa ay tumatahak sa sarili nitong landas. Paanong hindi malilipol ang mga bansa sa lupa? Paanong hindi babagsak ang mga bansa sa lupa? Paanong hindi magbubunyi ang Aking mga tao? Paanong hindi sila aawit nang may kagalakan? Gawain ba ito ng tao? Mga kamay ba ng tao ang gumagawa nito? Ibinigay Ko sa tao ang pundasyon ng kanyang pag-iral, at pinagkalooban Ko siya ng mga materyal na bagay, subalit hindi siya nasisiyahan sa kanyang kasalukuyang sitwasyon at hinihiling niyang makapasok sa Aking kaharian. Ngunit paano siya makakapasok sa Aking kaharian nang napakadali, nang walang ibinayad na halaga, nang hindi handang ialay ang kanyang di-makasariling dedikasyon? Sa halip na bawiin ang anumang bagay mula sa tao, gumagawa Ako ng mga hinihingi sa kanya, upang mapuspos ng kaluwalhatian ang Aking kaharian sa lupa. Nagabayan Ko ang tao tungo sa kasalukuyang kapanahunan, umiiral siya sa ganitong kundisyon, at nabubuhay siya sa patnubay ng Aking liwanag. Kung hindi nagkaganito, sino sa mga tao sa lupa ang makakaalam sa kanilang mga kinabukasan? Sino ang makakaunawa sa Aking mga layunin? Idinaragdag Ko ang Aking mga kondisyon sa mga hinihingi sa tao; hindi ba ito naaayon sa mga batas ng kalikasan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 22
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 63
Sa kaharian, ang lahat ng bagay ay nagsisimulang muling mabuhay at maglabas ng kasiglahan. Dahil sa mga pagbabago sa kalagayan ng lupa, ang mga hangganan sa pagitan ng isang lupain at ng isa pa ay nagsisimula ring gumalaw. Nagpropesiya na Ako na kapag ang lupain ay nahiwalay sa lupain, at ang lupain ay sumama sa lupain, ito ang panahon na dudurugin Ko ang bawat bansa nang pira-piraso. Sa panahong ito, papanibaguhin at babaguhin Ko ang lahat ng bagay at hahati-hatiing muli ang buong sansinukob, sa gayon ay maisasaayos ang sansinukob at ang luma ay magiging bago—ito ang Aking plano at ito ang Aking mga gawa. Kapag bumalik na ang bawat bansa at ang bawat taong hinirang Ko sa harap ng Aking luklukan, ipagkakaloob Ko na ang lahat ng kasaganaan ng langit sa mundo ng tao, upang, dahil sa Akin, ang mundong iyon ay mapuno ng walang-kapantay na kasaganaan. Habang umiiral ang lumang mundo, ihahagis Ko ang Aking poot sa bawat bansa at ipapahayag ang mga atas administratibo na nahayag sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:
Kapag nagsasalita Ako sa buong sansinukob, naririnig ng lahat ng tao ang Aking tinig, ibig sabihin, nakikita ng lahat ng tao ang lahat ng gawa na isinakatuparan Ko sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking mga layunin, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin gamit ang mga gawa ng tao, ay babagsak sa gitna ng Aking pagkastigo. Gagawin Kong panibago ang napakaraming bituin sa kalangitan; at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago, ang kalangitan ay hindi na gaya ng dati; at lahat ng bagay sa lupa ay mapapanibago—maisasakatuparan ang lahat ng ito dahil sa Aking mga salita. Ang lahat ng bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at mapapalitan ng Aking kaharian, upang ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglaho magpakailanman, at ang matitira lang ay ang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, ang lahat ng sa mga diyablo ay lilipulin. Ang lahat ng sumasamba kay Satanas ay babagsak sa gitna ng Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga nasa loob ng daloy ngayon, lahat ay magiging abo. Kapag kinastigo Ko ang bawat lahi ng tao, ang mga relihiyosong komunidad, sa iba’t ibang antas, ay babalik sa Aking kaharian, at malulupig sa pamamagitan ng Aking mga gawa, dahil makikita na nila na dumating na “ang Banal na nakasakay sa isang puting ulap”. Lahat ng tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at tatanggap ng iba’t ibang pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos; ang lahat ng lumaban sa Akin ay mamamatay, at, yaon namang ang kanilang mga gawa sa lupa ay walang kinalaman sa Akin, dahil sa kanilang naging pag-uugali, sila ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Magpapakita Ako sa di-mabilang na mga bansa at tao, at ipapahayag Ko ang sarili Kong tinig sa lupa, ipinoproklama ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain, tinutulutan ang lahat ng tao na makita ito gamit ang sarili nilang mga mata.
Habang mas lumalalim ang Aking mga pagbigkas, pinagmamasdan Ko rin ang kalagayan ng sansinukob. Sa pamamagitan ng Aking mga salita, lahat ng bagay ay napapanibago. Nagbabago ang langit, gayundin ang lupa. Nalalantad ang orihinal na anyo ng sangkatauhan at, dahan-dahan, lahat ng tao ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at hindi namamalayang nababalik sa kanilang mga “pamilya.” Lubha itong nakalulugod sa Akin. Malaya Ako sa panggugulo at, nang hindi halata, naisasakatuparan ang Aking dakilang gawain, at nagpapanibago ang lahat ng bagay. Nang likhain Ko ang mundo, ibinukod-bukod Ko ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito, ikinakategorya ang lahat ng bagay na may anyo. Kapag nalalapit na ang pagtatapos ng Aking plano ng pamamahala, ipanunumbalik Ko ang dating kalagayan ng paglikha; ipanunumbalik Ko ang lahat ng bagay sa orihinal nitong ayos, lubusang binabago ang lahat ng bagay, at lahat ng bagay ay iaayon sa Aking plano. Dumating na ang panahon! Ang huling yugto ng Aking plano ay malapit nang makompleto. Ah, maruming lumang mundo! Tiyak na babagsak ito sa gitna ng Aking mga salita! Tiyak na mauuwi ito sa wala dahil sa Aking plano! Ah, lahat ng bagay! Magtatamo ang lahat ng ito ng bagong buhay sa gitna ng Aking mga salita—magkakaroon ang mga ito ng kanilang May Kataas-taasang Kapangyarihan! Ah, banal at walang-bahid na bagong mundo! Tiyak na muli itong mabubuhay sa gitna ng Aking maluwalhating liwanag! Ah, Bundok ng Sion! Huwag nang manahimik—nakabalik na Ako nang matagumpay! Pinagmamasdan Ko ang buong lupa sa gitna ng lahat ng bagay. Ang mga tao sa lupa ay nagsimula na ng bagong buhay at mayroon nang mga bagong pag-asa. Ah, Aking mga tao! Paanong hindi kayo muling mabubuhay sa gitna ng Aking liwanag? Paanong hindi kayo magtatalunan sa galak sa ilalim ng Aking patnubay? Naghihiyawan sa tuwa ang mga lupain, nag-iingay sa masayang paghalakhak ang mga katubigan! Ah, ang nabuhay na mag-uling Israel! Paanong hindi ka nakakaramdam ng pagmamalaki dahil sa Aking paunang pagtatadhana? Sino ang umiyak? Sino ang humagulgol? Ang dating Israel ay nawala na, at ang Israel sa ngayon ay nakabangon na, nang tuwid at matayog sa mundo, at nakatayo na sa puso ng buong sangkatauhan. Tiyak na matatamo ng Israel ngayon ang pundasyon ng pag-iral sa pamamagitan ng Aking mga tao! Ah, kamuhi-muhing Ehipto! Tiyak naman na hindi ka lumalaban pa rin sa Akin? Paano mo nagagawang samantalahin ang Aking awa at sinusubukang takasan ang Aking pagkastigo? Paanong hindi mo magawang mabuhay sa loob ng Aking pagkastigo? Lahat ng Aking minamahal ay tiyak na iiral nang walang hanggan, at lahat ng lumalaban sa Akin ay tiyak na kakastiguhin Ko nang walang hanggan. Sapagkat Ako ay isang mapanibughong Diyos at hindi Ko basta-bastang pagbibigyan ang sinumang tao sa anumang mga gawa niya. Sisiyasatin Ko ang buong lupa at, nagpapakita sa Silangan ng mundo nang may katuwiran, pagiging maharlika, poot, at pagkastigo, magpapakita Ako sa di-mabilang na mga tao!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 26
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 64
Kapag ang mga anghel ay tumutugtog ng musika ng papuri sa Akin, hindi nito mapigilang pukawin ang Aking awa sa tao. Biglang napupuspos ng kalungkutan ang puso Ko, at imposibleng mapawi Ko sa Aking sarili ang masakit na damdaming ito. Sa mga kagalakan at kalungkutan ng mahiwalay at pagkatapos ay makasamang muli ang tao, hindi namin nagawang magpalitan ng mga damdamin. Magkabukod sa langit sa itaas at sa lupa sa ibaba, bihira Kong makatagpo ang tao. Sino ang makakahulagpos sa paggunita sa mga dating damdamin? Sino ang makakapigil sa pag-alaala sa nakaraan? Sino ang hindi aasam sa pagpapatuloy ng mga damdamin ng nakaraan? Sino ang hindi mananabik sa Aking pagbalik? Sino ang hindi aasam na makasama Akong muli ng tao? Labis na nababagabag ang puso Ko, at labis na nag-aalala ang espiritu ng tao. Bagama’t magkapareho sa espiritu, hindi kami maaaring magkasama nang madalas, at hindi namin makikita nang madalas ang isa’t isa. Sa gayon ay puno ng dalamhati at walang sigla ang buhay ng buong sangkatauhan, sapagkat lagi nang nananabik ang tao sa Akin. Para bang ang mga tao ay mga bagay na bumagsak mula sa langit; isinisigaw nila ang Aking pangalan sa lupa, tumitingala sila sa Akin mula sa lupa—ngunit paano nila matatakasan ang mga panga ng gutom na gutom na lobo? Paano sila makakahulagpos mula sa mga banta at panunukso nito? Paanong hindi isasakripisyo ng mga tao ang kanilang sarili dahil sa pagpapasakop sa pagkakaayos ng Aking plano? Kapag malakas silang nagmamakaawa, inilalayo Ko ang Aking tingin mula sa kanila, hindi Ko na matiis na tingnan pa sila; ngunit paanong hindi Ko maririnig ang kanilang mga pag-iyak? Itatama Ko ang mga kawalang-katarungan sa mundo ng tao. Gagawin Ko mismo ang Aking gawain sa buong mundo, pagbabawalan Ko si Satanas na muling saktan ang Aking mga tao, pagbabawalan Ko ang mga kaaway na muling gawin ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking luklukan doon, papangyayarihin Kong magpatirapa sa lupa ang lahat ng kaaway Ko at paaaminin Ko sa mga krimen nila sa Aking harapan. Sa Aking kalungkutan, na may kahalong galit, tatapakan Ko ang buong sansinukob, na wala ni isang matitira, at sisindakin Ko ang puso ng Aking mga kaaway. Paguguhuin Ko ang buong mundo, at pababagsakin Ko ang Aking mga kaaway sa mga guho, upang mula ngayon ay hindi na nila magawang tiwali ang sangkatauhan. Buo na ang Aking plano, at hindi ito dapat baguhin ng sinuman, maging sino man sila. Habang naglilibot Ako sa maringal na seremonya sa ibabaw ng sansinukob, gagawing bago ang buong sangkatauhan, at lahat ay bubuhaying muli. Hindi na iiyak ang tao, hindi na sila hihingi ng tulong sa Akin. Sa gayon ay magagalak ang Aking puso, at babalik ang mga tao upang ipagdiwang Ako. Magbubunyi ang buong sansinukob, mula itaas hanggang ibaba, dahil sa kagalakan …
Ngayon, sa mga bansa ng mundo, ginagawa Ko ang gawaing naitakda Kong isakatuparan. Naglilibot Ako sa gitna ng sangkatauhan, ginagawa Ko ang lahat ng gawain sa loob ng Aking plano, at pinagwawatak-watak ng buong sangkatauhan ang iba’t ibang bansa ayon sa Aking mga layunin. Nakatutok ang pansin ng mga tao sa lupa sa sarili nilang hantungan, sapagkat tunay ngang papalapit na ang araw at hinihipan ng mga anghel ang kanilang trumpeta. Hindi na magkakaroon ng mga pagkaantala, at dahil doon ay magsisimulang magsayawan sa galak ang lahat ng bagay. Sino ang makapagpapalawig nang kusa sa Aking araw? Isang tao sa lupa? O ang mga bituin sa himpapawid? O ang mga anghel? Kapag Ako ay gumagawa ng isang pahayag upang simulan ang pagliligtas sa mga tao ng Israel, nalalapit na ang araw Ko sa buong sangkatauhan. Kinatatakutan ng bawat tao ang panunumbalik ng Israel. Kapag nanumbalik ang Israel, iyon ang magiging araw na nagkamit Ako ng kaluwalhatian, at sa gayon, iyon din ang magiging araw kung kailan ang lahat ng bagay ay nagbabago at napapanibago. Sa napipintong pagharap ng buong sansinukob sa matuwid na paghatol, pinanghihinaan ng loob at natatakot ang lahat ng tao, dahil sa mundo ng tao, wala pang nakarinig tungkol sa katuwiran. Kapag nagpakita ang Araw ng katuwiran, magliliwanag ang Silangan, at pagkatapos ay liliwanagan nito ang buong sansinukob, na umaabot sa lahat. Kung talagang maisasagawa ng tao ang Aking katuwiran, ano ang dapat ikatakot? Hinihintay ng Aking mga tao ang pagsapit ng araw Ko, inaasam nilang lahat ang pagdating ng araw Ko. Hinihintay nila Akong dumating bilang ang Araw ng katuwiran upang maghiganti sa buong sangkatauhan at isaayos ang hantungan ng sangkatauhan. Nagkakahugis ang Aking kaharian sa ibabaw ng buong sansinukob, at sinasakop ng Aking luklukan ang puso ng daan-daang milyon sa Aking hinirang na mga tao. Sa pakikipagtulungan ng mga anghel, malapit nang maipatupad ang Aking dakilang gawain. Sabik na hinihintay ng lahat ng Aking mga anak at Aking mga tao ang Aking pagbalik, inaasam na muli nila Akong makasama, upang hindi na muling magkahiwalay kailanman. Paanong hindi mag-uunahan at magagalak ang napakaraming tao ng Aking kaharian dahil makakasama nila Akong muli? Isa kaya itong muling pagsasama na hindi kailangang tumbasan ng anumang halaga? Ako ay marangal sa mga mata ng lahat ng tao, ipinahahayag Ako sa mga salita ng lahat. Kapag Ako ay nagbalik, lulupigin Ko lalo ang lahat ng mapanlabang puwersa. Dumating na ang panahon! Pakikilusin Ko ang Aking gawain, hahawak Ako ng kapangyarihan bilang Hari sa gitna ng mga tao! Pabalik na Ako! At paalis na Ako! Ito ang inaasam ng lahat, ito ang kanilang nais. Ipamamalas Ko sa buong sangkatauhan ang pagsapit ng Aking araw, at sasalubungin nilang lahat ang pagdating ng Aking araw nang may kagalakan!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 27
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 65
Sa araw na muling nabuhay ang lahat ng bagay, pumarito Ako sa piling ng tao, at nakagugol Ako ng kamangha-manghang mga araw at gabi kasama siya. Sa puntong ito lamang nadarama nang kaunti ng tao na madali Akong lapitan, at habang dumadalas ang pakikipag-ugnayan niya sa Akin, nakikita niya ang ilan sa kung ano ang mayroon Ako at kung ano Ako—dahil dito, nagtatamo siya ng kaunting pagkakilala sa Akin. Sa gitna ng lahat ng tao, nagtataas Ako ng Aking ulo at nagmamasid, at lahat sila ay nakikita Ako. Subalit kapag sumasapit ang kalamidad sa mundo, agad silang nababalisa, at naglalaho sa kanilang puso ang Aking wangis; takot na takot sa pagsapit ng kalamidad, hindi nila pinapansin ang Aking mga panghihikayat. Maraming taon Kong nakapiling ang tao, subalit palaging hindi niya ito namamalayan, at hindi niya Ako nakilala kailanman. Ngayon sinasabi Ko ito sa kanya mula sa sarili Kong bibig, upang humarap sa Akin ang lahat ng tao para tumanggap ng isang bagay mula sa Akin, ngunit lumalayo pa rin sila sa Akin, kaya nga hindi nila Ako nakikilala. Kapag tumahak ang Aking mga yapak sa buong sansinukob at sa mga dulo ng daigdig, magsisimulang magnilay-nilay ang tao sa kanyang sarili, at lahat ng tao ay lalapit sa Akin at yuyuko sa Aking harapan at sasambahin Ako. Ito ang araw na magtatamo Ako ng kaluwalhatian, ang araw ng Aking pagbabalik, at ang araw din ng Aking paglisan. Ngayon, sinimulan Ko na ang Aking gawain sa buong sangkatauhan, pormal na binubuksan ang pangwakas na bahagi ng Aking plano ng pamamahala sa loob ng sansinukob. Kung may sinuman na hindi pa rin maingat, sila ay masasadlak sa walang-awang pagkastigo sa anumang sandali. Hindi ito dahil sa wala Akong puso; sa halip, isang hakbang ito ng Aking plano ng pamamahala; kailangang magpatuloy ang lahat ayon sa mga hakbang ng Aking plano, at walang sinuman na maaaring magbago nito. Kapag pormal Kong sinimulan ang Aking gawain, lahat ng tao ay gumagalaw kasabay ng Aking paggalaw, kaya magpapakaabala ang mga tao sa sansinukob nang kaayon Ko, ang buong sansinukob ay nasa kalagayan ng “pagdiriwang,” at napapakilos Ko pasulong ang tao. Dahil dito, maging ang malaking pulang dragon mismo ay napupunta sa kalagayan ng kawalang-kaayusan at balisang pagkalito dahil sa Akin, at nagseserbisyo ito sa Aking gawain, at, kahit ayaw nito, hindi nito magawang sundin ang sarili nitong mga pagnanais, bagkus ay wala itong mapagpilian kundi ang “hayaan Ako na mamatnugot ayon sa gusto Ko.” Sa lahat ng plano Ko, ang malaking pulang dragon ang Aking hambingan, Aking kaaway, pero ito rin ang Aking “alipin”; dahil dito, hindi Ko kailanman niluwagan ang Aking “mga hinihingi” rito. Samakatwid, ang huling yugto ng Aking gawain, ang gawain ng Aking pagkakatawang-tao, ay natatapos sa sambahayan nito—mas nakatutulong ito sa maayos na pagseserbisyo ng malaking pulang dragon sa Akin, sa pamamagitan nito ay lulupigin Ko ito at tatapusin ang Aking plano. Habang gumagawa Ako, lahat ng anghel ay nagsisimula sa pangwakas na pakikibaka sa tabi Ko at nagpapasyang tugunan ang Aking mga layunin sa huling yugto, para ang mga tao sa lupa ay magpapasailalim sa Aking harapan kagaya ng mga anghel, at mawawalan ng hangaring salungatin Ako, at hindi gagawa ng anumang nagkakanulo sa Akin. Ito ang mga dinamika ng Aking gawain sa sansinukob.
Ang layunin at kabuluhan ng Aking pagdating sa piling ng tao ay para iligtas ang buong sangkatauhan, para ibalik ang buong sangkatauhan sa Aking sambahayan, para pagsamahing muli ang langit at lupa, at para itakda ang tao na iparating ang “mga hudyat” sa pagitan ng langit at lupa, sapagkat iyon ang likas na tungkulin ng tao. Sa panahon nang likhain Ko ang sangkatauhan, naihanda Ko na ang lahat ng bagay para sa sangkatauhan, at kalaunan, tinulutan Ko ang sangkatauhan na matanggap, ayon sa Aking mga hinihingi, ang mga kayamanang ibinigay Ko sa kanya. Kaya naman, sinasabi Ko na nasa ilalim ng Aking patnubay ang narating ng buong sangkatauhan ngayon. At lahat ng ito ay plano Ko. Sa gitna ng buong sangkatauhan, hindi mabilang ang dami ng mga taong umiiral sa ilalim ng proteksyon ng Aking pagmamahal, at hindi mabilang ang dami ng namumuhay sa ilalim ng pagkastigo ng Aking pagkamuhi. Bagama’t lahat ng tao ay nagmamakaawa sa Akin, hindi pa rin nila kayang baguhin ang kasalukuyan nilang kalagayan; kapag nawalan na sila ng pag-asa, maaari lamang nilang hayaan ang likas na takbo ng mga pangyayari at tumigil sa paghihimagsik laban sa Akin, sapagkat ito lamang ang magagawa ng tao. Pagdating sa kasalukuyang kalagayan ng buhay ng tao, hindi pa natatagpuan ng tao ang tunay na buhay, hindi pa rin niya natatalos ang kawalan ng katarungan, kapanglawan, at miserableng mga kondisyon ng mundo—kaya nga, kung hindi dahil sa pagsapit ng kalamidad, yayakapin pa rin ng karamihan sa mga tao ang kalikasan, at magpapakasasa pa rin sila sa mga kasarapan ng “buhay.” Hindi ba ito ang realidad ng mundo? Hindi ba ito ang tinig ng kaligtasan na sinasabi Ko sa tao? Bakit, sa sangkatauhan, wala pang tunay na nagmahal sa Akin kailanman? Bakit minamahal lamang Ako ng tao sa gitna ng pagkastigo at mga pagsubok, subalit walang sinumang nagmamahal sa Akin habang nasa ilalim ng Aking proteksyon? Maraming beses Ko nang iginawad ang Aking pagkastigo sa sangkatauhan. Tinitingnan nila ito, ngunit pagkatapos ay hindi nila ito pinapansin, at hindi nila ito pinag-aaralan at pinag-iisipan sa oras na ito, kaya nga lahat ng sumasapit sa tao ay walang-awang paghatol. Isa lamang ito sa Aking mga pamamaraan ng paggawa, ngunit ito ay para baguhin pa rin ang tao at idulot na mahalin niya Ako.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 29
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 66
Naghahari Ako sa kaharian, at, higit pa rito, naghahari Ako sa buong sansinukob; Ako’y kapwa Hari ng kaharian at Pinuno ng sansinukob. Mula sa oras na ito, titipunin Ko ang lahat ng hindi hinirang na mga tao at sisimulan ang Aking gawain sa mga Hentil, at i-aanunsyo Ko ang Aking mga atas administratibo sa buong sansinukob, upang maayos Kong masimulan ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Gagamit Ako ng pagkastigo para ipalaganap ang Aking gawain sa mga Hentil, ibig sabihin, gagamit Ako ng “puwersa” laban sa lahat ng Hentil. Natural, ang gawaing ito ay isasagawa kasabay ng Aking gawain sa gitna ng hinirang na mga tao. Kapag gumamit ng kapangyarihan ang Aking mga tao bilang mga hari sa lupa, iyon din ang araw na lahat ng tao sa lupa ay nalupig na, at, higit pa rito, iyon ang panahon na magpapahinga Ako—at saka lamang Ako magpapakita sa lahat ng nalupig na. Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang Aking Sarili mula sa lupain ng karumihan. Lahat ng nalupig at naging mapagpasakop sa Aking harapan ay nagagawang makita ang Aking mukha gamit ang sarili nilang mga mata, at nagagawang marinig ang Aking tinig gamit ang sarili nilang mga tainga. Ito ang pagpapala sa mga isinilang sa mga huling araw, ito ang pagpapalang pauna Kong inorden, at hindi ito mababago ng sinumang tao. Ngayon, gumagawa Ako sa ganitong paraan alang-alang sa gawain ng hinaharap. Lahat ng Aking gawain ay magkakaugnay, sa lahat ng ito, may isang panawagan at tugon: Hindi kailanman tumigil nang biglaan ang anumang hakbang, at hindi kailanman naisakatuparan ang anumang hakbang nang hiwalay sa iba pa. Hindi ba ganoon iyon? Hindi ba ang gawain ng nakalipas ang pundasyon ng gawain ng ngayon? Hindi ba ang mga salita ng nakalipas ang pasimula sa mga salita ngayon? Hindi ba ang mga hakbang ng nakalipas ang pinagmumulan ng mga hakbang ng ngayon? Kapag pormal Kong binuksan ang balumbon, iyon ang panahon kung kailan kakastiguhin ang mga tao sa sansinukob, iyon ang panahon kung kailan isasailalim ang mga tao sa buong mundo sa mga pagsubok, at ito ang rurok ng Aking gawain; lahat ng tao ay nabubuhay sa isang lupaing walang liwanag, at lahat ng tao ay nabubuhay sa gitna ng mga banta sa kanilang paligid. Sa madaling salita, ito ang buhay na hindi pa kailanman naranasan ng tao mula noong panahon ng paglikha hanggang sa kasalukuyang araw, at walang sinuman sa mga kapanahunan ang “nagtamasa” kailanman ng ganitong uri ng buhay, kaya nga sinasabi Ko na nagawa Ko na ang gawaing hindi pa nagagawa kailanman. Ito ang tunay na kalagayan ng mga pangyayari, at ito ang nakapaloob na kahulugan. Dahil papalapit na ang Aking araw sa buong sangkatauhan, dahil hindi ito malayo sa tingin kundi nasa harap mismo ng mga mata ng tao, sino ang hindi matatakot dahil dito? At sino ang hindi matutuwa rito? Sa wakas, dumating na ang huling araw ng maruming lungsod ng Babilonia; nakasamang muli ng tao ang isang bagong-bagong mundo, at ang langit at lupa ay nabago na at napanibago.
Kapag nagpapakita Ako sa di-mabilang na mga bansa at mga tao, nag-aalimpuyo ang mga puting ulap sa himpapawid at binabalot Ako. Gayon din, nag-aawitan at nagsasayawan ang mga ibon sa lupa sa galak para sa Akin, na nagpapatingkad sa kapaligiran sa lupa, at sa gayo’y sumisigla ang lahat ng bagay sa lupa, na hindi na “dahan-dahang matangay pababa,” kundi sa halip ay mabuhay sa gitna ng kapaligirang puno ng sigla. Kapag Ako ay nasa mga ulap, nahihiwatigan ng tao ang Aking mukha at Aking mga mata, at sa oras na ito ay medyo nangangamba siya. Noong araw, nakarinig na siya ng mga tala ng kasaysayan tungkol sa Akin sa mga alamat, at dahil dito ay kalahating naniniwala at kalahating nagdududa lamang siya sa Akin. Hindi niya alam kung nasaan Ako, o kung gaano kalaki ang Aking mukha—kasinglapad ba ito ng dagat, o kasingwalang hangganan ng mga luntiang pastulan? Walang sinuman ang nakaaalam ng mga bagay na ito. Kapag nakikita ngayon ng tao ang Aking mukha sa mga ulap, saka lamang niya nadarama na ang Ako na nasa alamat ay totoo, kaya nga medyo mas maganda ang impresyon niya sa Akin, at dahil lamang sa Aking mga gawa kaya medyo nadaragdagan ang kanyang paghanga sa Akin. Ngunit hindi pa rin Ako kilala ng tao, at isang bahagi Ko lamang sa mga ulap ang kanyang nakikita. Pagkatapos niyon, inuunat Ko ang Aking mga bisig at ipinapakita ang mga iyon sa tao. Namamangha ang tao, at itinatakip ang kanyang mga kamay sa kanyang bibig, labis na nangangamba na mahampas ng Aking kamay, kaya nga dinaragdagan niya ng kaunting takot ang kanyang paghanga. Ipinipirmi ng tao ang kanyang mga mata sa bawat kilos Ko, labis na natatakot na hahampasin Ko siya kapag hindi siya nakatingin—subalit hindi Ako nalilimitahan dahil pinagmamasdan Ako ng tao, at patuloy Kong ginagawa ang gawaing nasa Aking mga kamay. Sa lahat ng gawa lamang na Aking ginagawa nagkakaroon ng kaunting mabuting impresyon ang tao sa Akin, at sa gayo’y unti-unting lumalapit sa Aking harapan para makisalamuha sa Akin. Kapag nahayag sa tao ang Aking kabuuan, makikita ng tao ang Aking mukha, at mula sa sandaling iyon ay hindi na Ako magtatago o magkukubli ng Aking Sarili mula sa tao. Sa loob ng sansinukob, magpapakita Ako nang hayagan sa lahat ng tao, at mamamasdan ng lahat ng may laman at dugo ang lahat ng Aking gawa. Lahat ng sa espiritu ay tiyak na mananahan nang payapa sa Aking sambahayan, at siguradong magtatamasa ng kamangha-manghang mga pagpapala kasama Ko. Lahat ng Aking kinakalinga ay tiyak na matatakasan ang pagkastigo at tiyak na maiiwasan ang hapdi ng espiritu at ang paghihirap ng laman. Magpapakita Ako nang hayagan sa di-mabilang na mga tao at gagamit ng kapangyarihan bilang Hari, upang hindi na lumaganap pa sa sansinukob ang amoy ng mga bangkay; sa halip, lalaganap ang Aking sariwang halimuyak sa buong mundo, dahil papalapit na ang Aking araw, gumigising ang tao, nasa ayos ang lahat sa lupa, at wala na ang mga araw ng pananatiling buhay ng lupa, sapagkat dumating na Ako!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 29
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 67
Pupunuin Ko ang kalangitan ng mga pagpapamalas ng Aking mga kilos at papangyayarihin Kong ang lahat ng bagay sa lupa ay bumagsak sa ilalim ng Aking kapangyarihan, sa gayon ay naisasakatuparan ang Aking plano para “pagkaisahin ang daigdig” at naipapatupad ang nais Kong ito, upang hindi na “magpapalaboy-laboy” ang sangkatauhan sa balat ng lupa, kundi magkaroon ng akmang hantungan sa lalong madaling panahon. Isinasaalang-alang Ko ang sangkatauhan sa lahat ng paraan, ginagawa ito upang mamuhay ang buong sangkatauhan sa isang lupain ng kapayapaan at kaligayahan sa lalong madaling panahon, upang ang mga araw sa kanilang buhay ay hindi na maging mapanglaw, at upang ang Aking plano ay hindi mawalan ng saysay sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pag-iral ng tao, itatatag Ko ang Aking kaharian sa ibabaw ng lupa, sapagkat ang isang bahagi ng pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian ay nasa ibabaw ng lupa. Sa langit sa itaas, ilalagay Ko sa ayos ang Aking lungsod at gagawing bago ang lahat sa itaas at ibaba ng langit. Pagkakaisahin Ko ang lahat ng umiiral sa itaas at ibaba ng langit, upang lahat ng bagay sa lupa ay makaisa ng lahat ng nasa langit. Ito ang Aking plano; ito ang isasakatuparan Ko sa huling kapanahunan—huwag hayaang makialam ang sinuman sa bahaging ito ng Aking gawain! Ang pagpapalawak ng Aking gawain sa mga bansang Hentil ang huling bahagi ng Aking gawain sa lupa. Walang sinumang nakakaarok sa gawaing Aking gagawin, at dahil dito, medyo naguguluhan ang mga tao. At dahil abalang-abala Ako sa Aking gawain sa lupa, sinasamantala ng mga tao ang pagkakataong “maglaro.” Para mapigilan ang pagkilos nang walang ingat, inilagay Ko na muna sila sa ilalim ng Aking pagkastigo para tanggapin ang “pagsasanay” ng lawa ng apoy. Ito ay isang hakbang sa Aking gawain, at gagamitin Ko ang kapangyarihan ng lawa ng apoy upang isakatuparan ang hakbang na ito ng Aking gawain; kung hindi, magiging mahirap na isagawa ang Aking gawain. Papangyarihin Kong magpasailalim ang mga tao sa buong sansinukob sa harap ng Aking luklukan, na hinati sa iba’t ibang kategorya dahil sa Aking paghatol, ibinukod-bukod ayon sa kanilang uri dahil sa mga kategoryang ito, at sa gayon ay iginrupo sa kanilang mga pamilya, upang tumigil ang buong sangkatauhan sa paghihimagsik laban sa Akin, at sa halip ay humahantong sa isang masinop at maayos na pagsasaayos ayon sa mga kategoryang Aking napangalanan—walang sinumang dapat gumalaw nang ayon sa sariling kagustuhan! Sa buong sansinukob at sa itaas nito, nakagawa Ako ng bagong gawain; ang lahat ng tao sa sansinukob ay natitigilan sa Aking biglaang pagpapakita, ang kanilang mga abot-tanaw ay lubhang pinalawak ng Aking hayagang pagpapakita. Hindi ba’t gayon ang nangyari ngayon?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 43
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 68
Ipinalalaganap Ko ang Aking gawain sa mga bayan ng Hentil. Kumikislap ang Aking maluwalhating liwanag sa buong sansinukob; taglay ng lahat ng tala-tala-tuldok-tuldok na tao sa loob nila ang Aking mga layunin, at silang lahat ay iginigiya ng Aking kamay at isinasagawa nila ang mga gampaning itinalaga Ko. Simula sa puntong ito, nakapasok na Ako sa isang bagong kapanahunan, dinadala ang lahat ng tao sa ibang mundo. Nang bumalik Ako sa Aking “bayang tinubuan,” sinimulan Ko ang isa pang bahagi ng gawain sa Aking orihinal na plano, para magkamit ang tao ng higit na pagkakilala sa Akin. Minamasdan Ko ang buong sansinukob at nakikita na[a] angkop ang pagkakataong ito para sa Aking gawain, kaya nagmamadali Ako sa lahat ng dako, na ginagawa ang Aking bagong gawain sa tao. Tutal, ito naman ay isang bagong kapanahunan, at nagdala Ako ng bagong gawain, dinadala ang mas maraming bagong tao sa bagong kapanahunan at inaalis ang mas marami sa mga ititiwalag Ko. Sa bansa ng malaking pulang dragon, naisagawa Ko na ang isang yugto ng gawain na hindi maarok ng mga tao, na dahilan upang umindayog sila sa hangin, pagkatapos ay marami ang tahimik na natatangay ng ihip ng hangin. Tunay na ito ang “giikan” na malapit Ko nang linisin; ito ang kinasasabikan Ko at ito rin ang plano Ko. Sapagkat maraming masasamang sumalisi habang gumagawa Ako, ngunit hindi Ako nagmamadaling itaboy sila. Bagkus, ikakalat Ko sila pagdating ng tamang panahon. Pagkatapos lamang noon Ako magiging bukal ng buhay, na nagtutulot sa mga tunay na nagmamahal sa Akin na matanggap mula sa Akin ang bunga ng puno ng igos at ang halimuyak ng liryo. Sa lupain kung saan pansamantalang naninirahan si Satanas, ang lupain ng alikabok, walang nananatiling purong ginto, buhangin lamang, kaya nga, sa pagharap sa mga sitwasyong ito, ginagawa Ko ang gayong yugto ng gawain. Dapat mong malaman na ang natatamo Ko ay puro at pinong ginto, hindi buhangin. Paano makakapanatili ang masasama sa Aking sambahayan? Paano Ko matitiis ang mga soro na namumuhay bilang mga parasito sa Aking paraiso? Ginagamit Ko ang lahat ng pamamaraan para itaboy ang mga ito. Bago naipapamalas ang Aking mga layunin, walang nakakaalam sa gagawin Ko. Sinasamantala ang pagkakataong ito, itinataboy Ko ang masasama, at napipilitan silang umalis sa Aking harapan. Ito ang ginagawa Ko sa masasama, ngunit darating pa rin ang araw na magseserbisyo sila sa Akin. Napakatindi ng pagnanais ng mga tao sa mga pagpapala; kaya, pumipihit Ako at ipinapakita Ko ang Aking maluwalhating mukha sa mga Hentil, para manirahan ang lahat ng tao sa sarili nilang mundo at manghusga sa kanilang sarili, habang patuloy Kong binibigkas ang mga salitang dapat Kong bigkasin, at tinutustusan sila ng kanilang kailangan. Kapag natauhan na ang mga tao, matagal Ko nang naipalaganap ang Aking gawain. Pagkatapos ay ipapahayag Ko ang Aking mga layunin sa kanila, at sisimulan Ko ang ikalawang bahagi ng Aking gawain sa kanila, hinahayaan silang lahat na sumunod nang malapit sa Akin para makipagtulungan sa Aking gawain, at hinahayaan silang gawin ang lahat ng kanilang magagawa upang maisagawang kasama Ko ang gawaing kailangan Kong gawin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob
Talababa:
a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “nakikita.”
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 69
Walang sinuman ang may pananalig na makikita nila ang Aking kaluwalhatian, at hindi Ko sila pinipilit, kundi sa halip ay inaalis Ko ang Aking kaluwalhatian mula sa sangkatauhan at dinadala ito sa ibang mundo. Kapag muling nakaramdam ng pagsisisi ang mga tao, kukunin Ko ang Aking kaluwalhatian at ipapakita ito sa mas marami pang may pananalig. Ito ang prinsipyo ng Aking paggawa. Sapagkat may isang panahon na iniiwan ng Aking kaluwalhatian ang Canaan, at may isang panahon din na iniiwan ng Aking kaluwalhatian ang mga taong hinirang. Bukod pa rito, may isang panahon na iniiwan ng Aking kaluwalhatian ang buong mundo, kaya kumukulimlim ito at lumulubog sa kadiliman. Kahit ang lupain ng Canaan ay hindi makakakita ng sikat ng araw; lahat ng tao ay mawawalan ng pananalig, ngunit walang makakatiis na iwan ang halimuyak ng lupain ng Canaan. Tanging kapag nakapasok na Ako sa bagong langit at lupa ay saka Ko kukunin ang isa pang bahagi ng Aking kaluwalhatian at una itong ibubunyag sa lupain ng Canaan, nagsasanhing sumikat ang isang kislap ng liwanag sa buong mundo na napakadilim. Ito ay upang lumapit sa liwanag ang buong mundo. Ito ay upang humugot ng kapangyarihan ang mga tao sa buong mundo mula sa liwanag, nagbibigay-daan para lalo pang madagdagan ang Aking kaluwalhatian at muling magpakita sa bawat bansa, at upang matanto ng buong sangkatauhan na matagal na Akong naparito sa mundo ng mga tao at matagal Ko nang dinala ang Aking kaluwalhatian mula sa Israel patungong Silangan, sapagkat ang Aking kaluwalhatian ay sumisikat mula sa Silangan at ito ay dinala mula sa Kapanahunan ng Biyaya hanggang sa kasalukuyang panahon. Ngunit sa Israel Ako lumisan at mula roon ay dumating Ako sa Silangan. Kapag unti-unti nang pumuputi ang liwanag sa Silangan ay saka lamang magsisimulang magliwanag ang kadiliman sa buong mundo, at saka lamang matutuklasan ng tao na matagal Ko nang nilisan ang Israel at muli Akong bumabangon sa Silangan. Hindi maaaring mangyari na Ako, na minsan nang bumaba sa Israel at pagkatapos ay umalis mula roon, ay muling ipapanganak sa Israel, dahil pumapatnubay ang Aking gawain sa buong sansinukob at, bukod pa rito, ang kidlat ay nagmumula sa Silangan at kumikislap hanggang sa Kanluran. Dahil dito ay bumaba na Ako sa Silangan at dinala Ko ang Canaan sa Aking hinirang na mga tao sa Silangan. Dadalhin Ko ang Aking hinirang na mga tao mula sa buong mundo patungo sa lupain ng Canaan, at kaya patuloy Akong bumibigkas ng mga salita sa lupain ng Canaan upang kontrolin ang buong sansinukob. Sa panahong ito, walang liwanag sa buong mundo. Maliban sa mga nasa Canaan, ang lahat ng tao ay nasa panganib dahil sa gutom at ginaw. Ibinigay Ko ang Aking kaluwalhatian sa Israel at pagkatapos ay kinuha Ko ito, sa paraang ito ay dinadala ang mga Israelita sa Silangan, at dinadala rin ang lahat ng tao sa Silangan, dinadala silang lahat sa liwanag para muli nila itong makasama, at makaugnayan, at hindi na sila maghanap pa. Idudulot Ko na lahat ng naghahanap ay makakitang muli sa liwanag, makakita sa kaluwalhatiang tinaglay Ko sa Israel, makita na matagal na Akong bumaba sakay ng puting ulap sa gitna ng sangkatauhan, at makita ang kumpol-kumpol na mga puting ulap at mga prutas na saganang bunga. Higit pa rito, gagawin Kong posible na makita nila ang Diyos na si Jehova ng Israel, makita ang “Guro” ng mga Hudyo, makita ang pinakahihintay na Mesiyas, at makita ang buong anyo Ko, Siya na inusig ng mga hari sa lahat ng kapanahunan. Gagawa Ako sa buong sansinukob at magsasagawa Ako ng dakilang gawain, ipinapamalas ang Aking buong kaluwalhatian at ang lahat ng Aking gawa sa tao sa mga huling araw, at ipinapamalas ang Aking buong maluwalhating mukha sa mga naghintay nang maraming taon para sa Akin, sa mga nanabik na pumarito Ako sakay ng puting ulap, sa Israel na nanabik na muli Akong magpakita, at sa buong sangkatauhan na umuusig sa Akin, para malaman ng lahat na matagal Ko nang kinuha ang Aking kaluwalhatian at dinala ito sa Silangan, at na wala na ito sa Judea, sapagkat sumapit na ang mga huling araw!
Sa buong sansinukob ay ginagawa Ko ang Aking gawain, at sa Silangan, walang humpay ang mga pagdagundong ng mga kulog, niyayanig ang lahat ng bansa at denominasyon. Ang Aking mga pagbigkas ang umakay sa lahat ng tao patungo sa kasalukuyang panahon. Idinudulot Ko na malupig ng Aking mga pagbigkas ang lahat ng tao, na mahulog sa daloy na ito, at na magpasailalim sa Aking harapan, sapagkat matagal Ko nang binawi ang Aking kaluwalhatian mula sa buong mundo at muli itong inilabas sa Silangan. Sino ang hindi nasasabik na makita ang Aking kaluwalhatian? Sino ang hindi balisang umaasa sa Aking pagbabalik? Sino ang hindi nauuhaw sa Aking muling pagpapakita? Sino ang hindi nag-aasam sa Aking pagiging kaibig-ibig? Sino ang hindi lalapit sa liwanag? Sino ang hindi makakakita sa kasaganaan ng Canaan? Sino ang hindi nananabik sa pagbabalik ng Manunubos? Sino ang hindi humahanga sa Kanya na nagtataglay ng dakilang kapangyarihan? Ang Aking mga pagbigkas ay ipapakalat sa buong mundo at magbibigkas at magsasabi Ako ng mas maraming salita sa Aking hinirang na mga tao, gaya ng isang malakas na kulog na yumayanig sa mga bundok at ilog. Sinasambit Ko ang Aking mga salita sa buong sansinukob at sa sangkatauhan. Kaya naman ang mga salita sa Aking bibig ay naging kayamanan na ng tao, at itinatangi ng lahat ng tao ang Aking mga salita. Kumikislap ang kidlat mula sa Silangan hanggang sa Kanluran. Gayon na lamang ang mga salita Ko, na ayaw mahiwalay ng mga tao sa mga ito, at ang mga ito ay hindi rin maaarok ng tao, at higit pa rito, nagdudulot ang mga ito ng kagalakan sa mga tao. Tulad ng mga bagong silang na sanggol, natutuwa at nagagalak ang lahat ng tao, at ipinagdiriwang ang Aking pagparito. Sa pamamagitan ng Aking mga pagbigkas, dadalhin Ko ang lahat ng tao sa Aking harapan. Pagkatapos niyon, pormal Akong papasok sa gitna ng sangkatauhan, at nang sa gayon, sila ay lumapit para magpatirapa sa Akin. Dahil sa kaluwalhatiang lumalabas sa Akin at sa mga salita mula sa Aking bibig, humaharap sa Akin ang lahat ng tao, at nakikita nila na kumikislap ang kidlat mula sa Silangan, na bumaba na rin Ako sa “Bundok ng mga Olibo” sa Silangan, at na matagal na Akong pumarito sa lupa, at na hindi na Ako ang Anak ng mga Hudyo, kundi ang Kidlat ng Silanganan. Sapagkat matagal na Akong nabuhay na muli, at lumisan mula sa gitna ng sangkatauhan, at pagkatapos ay muli Akong nagpakita nang may kaluwalhatian sa gitna nila. Ako ang Siyang sinamba sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa ang ngayon, at Ako rin ang sanggol na tinalikuran ng mga Israelita sa loob ng di-mabilang na panahon bago pa ang ngayon. Higit pa rito, Ako ang maluwalhating Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng kasalukuyang panahon! Hayaang lumapit ang lahat sa Aking luklukan at makita ang Aking maluwalhating mukha, marinig ang Aking mga pagbigkas, at mamasdan ang Aking mga gawa. Ito ang kabuuan ng Aking layunin; ito ang wakas at kasukdulan ng Aking plano, gayon din ang layunin ng Aking pamamahala: ang magbigay-pugay sa Akin ang di-mabilang na mga bayan, kilalanin Ako ng di-mabilang na bibig, ang pagkatiwalaan Ako ng di-mabilang na tao, at magpasailalim sa Akin ang di-mabilang na mga taong hinirang Ko!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dumadagundong ang Pitong Kulog—Nagpopropesiya na ang Ebanghelyo ng Kaharian ay Lalaganap sa Buong Sansinukob
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 70
Sa loob ng ilang libong taon, pinanabikan na ng tao na masaksihan ang pagdating ng Tagapagligtas. Pinanabikan na ng tao na mamasdan si Jesus na Tagapagligtas sakay ng isang puting ulap habang Siya ay bumababa, nang personal, sa gitna ng mga naghangad at umasa sa Kanya sa loob ng libo-libong taon. Hinangad na rin ng tao na bumalik ang Tagapagligtas at muli niyang makasama; ibig sabihin, inasam nilang bumalik si Jesus na Tagapagligtas, na nahiwalay sa mga tao sa loob ng libo-libong taon, at muling isakatuparan ang gawain ng pagtubos na Kanyang ginawa sa mga Hudyo, maging mahabagin at mapagmahal sa tao, patawarin ang mga kasalanan ng tao at pasanin ang mga kasalanan ng tao, at pasanin maging ang lahat ng pagsalangsang ng tao at iligtas ang tao mula sa kasalanan. Ang pinananabikan ng tao ay ang maging katulad ng dati si Jesus na Tagapagligtas—isang Tagapagligtas na kaibig-ibig, mabait, at kapita-pitagan, na hindi kailanman nagagalit sa tao, at hindi kailanman sinasaway ang tao, kundi pinatatawad at pinapasan ang lahat ng kasalanan ng tao, at mamamatay pa sa krus, tulad ng dati, para sa tao. Mula nang lumisan si Jesus, ang mga disipulong sumunod sa Kanya, gayundin ang lahat ng banal na naligtas dahil sa Kanyang pangalan, ay desperadong nananabik sa Kanya at inaasahan Siya. Lahat ng naligtas sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo sa Kapanahunan ng Biyaya ay matagal nang nananabik sa napakasayang araw na iyon sa mga huling araw kung kailan si Jesus na Tagapagligtas ay bababa sakay ng isang puting ulap upang magpakita sa harap ng di-mabilang na mga tao. Mangyari pa, ito rin ang sama-samang inaasam ng lahat ng tumatanggap sa pangalan ni Jesus na Tagapagligtas ngayon. Lahat sa buong sansinukob na nakakaalam sa pagliligtas ni Jesus na Tagapagligtas ay matagal nang desperadong nananabik na biglang dumating si Jesucristo upang tuparin ang sinabi ni Jesus habang nasa lupa: “Babalik Ako tulad ng Aking paglisan.” Naniniwala ang tao na, kasunod ng pagkapako sa krus at muling pagkabuhay, bumalik si Jesus sa langit sakay ng isang puting ulap upang umupo sa Kanyang lugar sa kanang kamay ng Kataas-taasan. Sa gayon ding paraan, bababang muli si Jesus sakay ng isang puting ulap (ang ulap na ito ay tumutukoy sa ulap na sinakyan ni Jesus nang bumalik Siya sa langit), sa mga taong matagal nang desperadong nananabik sa Kanya sa loob ng libo-libong taon, at tataglayin Niya ang wangis at pananamit ng mga Hudyo. Matapos magpakita sa kanila, pagkakalooban Niya sila ng pagkain, at magbubuhos ng tubig na buhay para sa kanila, at mamumuhay Siya sa piling ng tao, puspos ng biyaya at puspos ng mapagmahal na kabaitan, buhay at tunay. Ang lahat ng gayong kuru-kuro ang pinaniniwalaan ng mga tao. Subalit hindi ito ginawa ni Jesus na Tagapagligtas; ang ginawa Niya ay mismong salungat sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi Siya dumating sa mga labis na naghangad sa Kanyang pagbalik, at hindi Siya nagpakita sa di-mabilang na mga tao habang nakasakay sa puting ulap. Dumating na Siya, ngunit hindi Siya kilala ng tao, at nananatiling walang alam ang tao rito. Naghihintay lamang ang tao sa Kanya nang walang layon—hindi nalalaman ng tao na bumaba na Siya sakay ng isang “puting ulap” (ang puting ulap na Kanyang Espiritu, Kanyang mga salita, Kanyang buong disposisyon at lahat ng kung ano Siya), at ngayon ay kasama ng isang grupo ng mga mananagumpay na Kanyang gagawin sa mga huling araw. Paano ba naman malalaman ng tao na bagama’t ang banal na Tagapagligtas na si Jesus ay puno ng mapagmahal na kabaitan at pagmamahal para sa tao, imposibleng makagawa Siya sa mga “templong” iyon na puno ng karumihan at pinaninirahan ng maruruming espiritu? Bagama’t hinihintay ng tao ang Kanyang pagdating, paano Siya maaaring magpakita sa mga kumakain ng laman ng mga di-matuwid, umiinom ng dugo ng mga di-matuwid, at nagsusuot ng mga damit ng mga di-matuwid, na nananampalataya sa Kanya ngunit hindi Siya kilala, at patuloy Siyang hinuhuthutan? Alam lamang ng tao na si Jesus na Tagapagligtas ay puspos ng mapagmahal na kabaitan at nag-uumapaw sa habag, at na Siya ang handog para sa kasalanan, na puspos ng pagtubos. Gayunman, walang ideya ang tao na Siya ang Diyos Mismo, na nag-uumapaw sa pagiging matuwid, pagiging maharlika, pagkapoot, at paghatol, na nagtataglay ng awtoridad, at puno ng dignidad. Samakatwid, bagama’t sabik na sabik ang tao at nagmimithi sa pagbalik ng Manunubos, at maging ang kanyang mga panalangin ay umaantig sa “Langit,” hindi nagpapakita si Jesus na Tagapagligtas sa mga nananampalataya sa Kanya ngunit hindi Siya kilala.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 71
Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay malapit na sa pagtatapos, at ang tarangkahan ng kaharian ay nabuksan na para sa lahat niyaong naghahanap ng Kanyang pagpapakita. Minamahal na mga kapatid, ano ang hinihintay ninyo? Ano ba ang hinahanap ninyo? Kayo ba ay naghihintay sa pagpapakita ng Diyos? Hinahanap ba ninyo ang Kanyang mga yapak? Talagang dapat kapanabikan ang pagpapakita ng Diyos! At talagang napakahirap masumpungan ang mga yapak ng Diyos! Sa kapanahunang tulad ngayon, sa mundong tulad nito, ano ang nararapat nating gawin upang masaksihan ang araw ng pagpapakita ng Diyos? Ano ang nararapat nating gawin upang makasabay sa mga yapak ng Diyos? Ang mga katanungang ganito ay kinakaharap ng lahat niyaong naghihintay na magpakita ang Diyos. Naisip na ninyong lahat ito nang hindi lamang miminsan—ngunit ano ang kinalabasan? Saan nagpapakita ang Diyos? Nasaan ang mga yapak ng Diyos? Nakuha na ba ninyo ang mga sagot? Maraming tao ang sasagot nang ganito: “Ang Diyos ay nagpapakita sa gitna ng lahat ng sumusunod sa Kanya at ang Kanyang mga yapak ay nasa ating kalagitnaan; ganyan lamang kapayak!” Kahit sino ay makapagbibigay ng mala-pormulang sagot, ngunit naiintindihan ba ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos o ng Kanyang mga yapak? Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa personal na pagparito ng Diyos sa lupa para gumawa, bumababa sa gitna ng sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan gamit ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa paraang likas sa Kanya. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang uri ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong panrelihiyon. Sa halip, ito ay isang tunay at aktuwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang pabasta-basta, o alang-alang sa isang uri ng panandaliang gawain. Sa halip, ito ay alang-alang sa isang yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na “pagpapakita” rito ay ibang-iba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, pumapatnubay, at binibigyang-liwanag ang tao. Sa tuwing nagpapakita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao noon. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang mas bago at mas mataas na yugto ng gawain para sa pagliligtas ng sangkatauhan; higit pa rito, ito ay gawain na umaakay sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kabuluhan ng pagpapakita ng Diyos.
Sa sandaling naunawaan na ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos, paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos? Ang katanungang ito ay hindi mahirap ipaliwanag: Kung saan nagpapakita ang Diyos, masusumpungan ninyo roon ang Kanyang mga yapak. Tila napakasimple ng ganitong paliwanag, ngunit hindi ito madaling gawin, sapagkat maraming tao ang hindi nakakaalam kung saan nagpapakita ang Diyos, lalong hindi kung saan Niya nais, o kung saan Siya dapat, magpakita. Ang ilan ay pabigla-biglang naniniwala na kung saanman gumagawa ang Banal na Espiritu, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga espirituwal na tao, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga taong bantog, doon nagpapakita ang Diyos. Sa ngayon, isantabi natin kung tama man o mali ang gayong mga paniniwala. Upang ipaliwanag ang ganitong tanong, kailangan muna nating magkaroon ng isang malinaw na layunin: Hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos. Hindi tayo naghahanap ng mga espirituwal na tao, lalong hindi natin sinusunod ang mga bantog; sinusunod natin ang mga yapak ng Diyos. Dahil dito, yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” Kung kaya, maraming tao, kahit pa makamit nila ang katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita ang Diyos sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalong hindi Niya kailangang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at lalong dapat pa itong makilala ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 72
Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang nasyonalidad, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling nasyonalidad, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa perspektiba ng pagkakakilanlan ng isang nilikha—sa gayong paraan, hindi mo lilimitahan ang mga yapak ng Diyos sa anumang partikular na saklaw. Ito ay dahil, ayon sa kanilang mga kuru-kuro, maraming tao ngayon ang naniniwala na hindi posibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng isang partikular na bayan. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa nasyonalidad at katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi magagapos ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.
Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o bayan, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o bayan. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil ay pagtatatwa ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa at bayan kung saan nagpapakita ang Diyos ay nagkataon lamang na dinidiskrimina ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Ngunit ang Diyos ay may karunungan Niya. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa isipan, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na nagtiis ng lahat ng uri ng mga pagsubok at mga pagdurusa at lahat ng uri ng pag-uusig, at kayang sumunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, na hindi limitado sa anumang anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong lahi ng tao. Ngunit naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng maging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng katulad na pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinoproklama ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, ngunit kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na maraming tao ang tumawa nang walang habas at napakalakas matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Ngunit hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Hudyo? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobin ng pananabik. Ang ginagawa lamang ninyo ay matigas ang ulong magsiyasat, at maghintay lamang nang walang pakialam. Ano ang mapapala ninyo sa pagsisiyasat at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo makilatis ang mga pagbigkas ng Diyos, sa anong paraan ka kalipikadong mamasdan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipapahayag ang katotohanan, at naroon ang tinig ng Diyos. Tanging ang mga nagagawang tanggapin ang katotohanan ang nakakarinig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang kalipikadong mamasdan ang pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Patahimikin ang iyong sarili at basahing mabuti ang mga salitang ito. Hangga’t mayroon kang pusong nananabik sa katotohanan, bibigyang-liwanag ka ng Diyos para maunawaan mo ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga salita. Bitiwan na ninyo ang mga argumento ninyo ng pagiging “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga kaisipan ng Diyos ay higit pa sa mga kaisipan ng tao, at ginagampanan ng Diyos ang gawain Niya nang lampas sa mga hangganan ng kaisipan at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroong katotohanang mahahanap dito; habang mas hindi kayang maisip ng mga kuru-kuro ng tao ang isang bagay, lalong naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Siya nagpapakita, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hinding-hindi magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi magbabago saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito, Siya ang nag-iisa at natatanging Diyos sa itaas at kabuuan ng sansinukob. Kaya hanapin natin ang mga layunin ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas at salita, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay hayagang ipinakikita sa sangkatauhan sa lahat ng oras. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyong lahat ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong makasabay sa Kanyang mga yapak at humakbang pasulong tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 73
Ang Diyos ay walang imik, at hindi nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinisiyasat Niya ang buong daigdig, at pinaghaharian ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita, gawa, at kilos ng tao. Isinasakatuparan Niya ang Kanyang pamamahala nang may plano at mga hakbang, nang tahimik at hindi nakapagpapayanig sa langit at lupa, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang hukumang-luklukan ay itinatag sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating kalagitnaan. Napakamaharlika ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa kalagitnaan natin na maraming tao. Siya ang karunungan, Siya ang pagiging matuwid at pagiging maharlika, at tahimik Siyang bumababa sa gitna natin, na taglay ang awtoridad at puno ng mapagmahal na kabaitan at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, higit pa rito, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang pamumuhay ng tao ay nagpapatuloy tulad ng dati, hindi nagbabago ang kanyang puso, at lumilipas ang mga araw tulad ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa piling natin, tulad ng isang ordinaryong tao, bilang isa sa pinakahamak na mga tagasunod at isang ordinaryong mananampalataya. Mayroon Siyang sarili Niyang mga paghahangad, sarili Niyang mga layon, at, higit pa rito, mayroon Siyang pagka-Diyos na hindi taglay ng ordinaryong mga tao. Walang sinumang nakapansin sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at hindi nahiwatigan ng sinuman ang pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang diwa at ng diwa ng tao. Namumuhay tayo na kasama Siya, malaya at walang takot, sapagkat sa ating paningin Siya ay isa lamang hamak na mananampalataya. Minamasdan Niya ang bawat kilos natin, at lahat ng ating mga iniisip at ideya ay nakalantad sa Kanyang harapan. Walang sinumang may interes sa Kanyang pag-iral, walang sinumang nakakaisip ng anuman tungkol sa papel na Kanyang ginagampanan, at, higit pa rito, walang sinumang may kahit katiting na hinala tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Ipinagpapatuloy lamang natin ang ating mga paghahangad, na para bang wala Siyang kinalaman sa atin …
Nagkataon, nagpapahayag ng sipi ng mga salita ang Banal na Espiritu “sa pamamagitan” Niya, at kahit parang labis itong hindi inaasahan, magkagayunman ay mahigpit nating pinaniniwalaan na ito ay isang pagbigkas na nagmumula sa Diyos at malugod natin itong tinatanggap mula sa Diyos. Iyon ay dahil, sinuman ang nagpapahayag ng mga salitang ito, basta’t nagmumula ang mga ito sa Banal na Espiritu, dapat nating tanggapin ang mga ito at hindi natin maaaring tanggihan ang mga ito. Ang susunod na pagbigkas ay maaaring dumating sa pamamagitan ko, o sa pamamagitan mo, o sa pamamagitan ng ibang tao. Sinuman iyon, lahat ay biyaya ng Diyos. Subalit sinuman iyon, hindi natin maaaring sambahin ang taong ito, sapagkat anuman ang mangyari, hindi posibleng maging ang Diyos ang taong ito, ni hindi tayo mamimili sa anumang paraan ng isang ordinaryong taong kagaya nito na maging ating Diyos. Ang ating Diyos ay lubhang dakila at kagalang-galang; paano Siya maaaring palitan ng isang labis na hamak na tao? Bukod pa riyan, kinasasabikan natin ang pagdating ng Diyos at pagdadala Niya sa atin pabalik sa kaharian ng langit, kaya paano makakaya ng isang labis na hamak na tao ang gayon kahalaga at kahirap na gawain? Kung muling pumarito ang Panginoon, tiyak na sakay Siya ng puting ulap, para makita Siya ng di-mabilang na mga tao. Napakaluwalhati niyon! Paano Siya posibleng palihim na makakapagtago sa gitna ng isang grupo ng ordinaryong mga tao?
Subalit ang ordinaryong taong ito, na nakatago sa gitna ng mga tao, ang gumagawa ng bagong gawain upang iligtas tayo. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng anumang mga paliwanag, ni hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya naparito, kundi ginagawa lamang Niya ang gawaing layon Niyang gawin nang ayon sa Kanyang plano at proseso. Ang Kanyang mga salita at pagbigkas ay lalo pang nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, panghihikayat, pagpapaalala, at pagbabala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang mabangis at maharlika—lahat ng ito ay nagpaparamdam sa tao ng labis na awa at pagkatakot. Lahat ng Kanyang sinasabi ay tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan; ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan, na halos hindi natin malaman kung saan tayo magtatago. Nagsisimula tayong magkaroon ng mga pagdududa kung talagang mahal tayo ng Diyos na nasa puso ng taong ito at kung ano talaga ang balak Niyang gawin. Marahil ay maaari lamang tayong madala paitaas matapos magtiis ng mga pagdurusang ito? Sa ating isipan, nagkakalkula tayo … tungkol sa ating hantungan at tungkol sa ating kapalaran sa hinaharap. Gayunman, tulad ng dati, walang sinuman sa atin ang naniniwala na nagkatawang-tao na ang Diyos upang gumawa sa gitna natin. Kahit nasamahan Niya tayo sa matagal na panahon, kahit nagsalita na Siya ng napakaraming salita sa ating harapan, ayaw pa rin nating tanggapin ang gayong ordinaryong tao bilang Diyos ng ating hinaharap, at lalong ayaw rin nating ipagkatiwala ang pagkontrol sa ating hinaharap at ating kapalaran sa hamak na taong ito. Mula sa Kanya nagtatamasa tayo ng walang-katapusang panustos ng tubig na buhay, at sa pamamagitan Niya ay namumuhay tayo ng isang buhay kung saan ang tao at Diyos ay harap-harapan. Ngunit nagpapasalamat lamang tayo sa biyaya ng Panginoong Jesus sa langit, at hindi natin binigyang-pansin kailanman ang damdamin ng ordinaryong taong ito na nagtataglay ng pagka-Diyos. Tulad ng dati, patuloy Niyang ginagawa ang Kanyang gawain nang mapagkumbabang nakatago sa katawang-tao, na ipinapahayag ang tinig ng Kanyang puso, na para bang hindi Niya nadarama ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, na para bang walang-hanggang pinatatawad ang kawalan ng hustong gulang at kamangmangan ng tao, at magpakailanmang mapagparaya sa walang galang na saloobin ng tao sa Kanya.
Nang hindi natin namamalayan, inakay na tayo ng hamak na taong ito sa sunod-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Dumaranas tayo ng di-mabilang na pagsubok at ng napakaraming pagtutuwid, at sinusubok tayo ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang mapagmahal na kabaitan at awa, napagtatanto ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nakikilala natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, nakikilala ang kalikasang diwa ng tao, at nakikita ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “mabuhay na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, at nagdudulot din sa atin ng matinding pagkakonsensiya at pakiramdam ng pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng sukdulang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga kordero sa Kanyang mga kamay, kakatayin kung gusto Niya; minsan tayo ay gaya ng mabalintataw ng Kanyang mata, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang galit. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Niyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinapopootan Niya tayo, inaangat Niya tayo, inaaliw at hinihikayat Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, binibigyang-liwanag Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa pa nga tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pagpoprotekta at pag-aalaga sa atin, hindi kailanman umaalis sa ating tabi. Ibinubuhos Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya at binabayaran ang bawat halaga para sa atin. Sa loob ng mga salita ng hamak at ordinaryong katawang-tao na ito, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang hantungang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Sa kabila nito, nagdudulot pa rin ng gulo ang banidad sa ating puso, at labag pa rin sa loob natin na aktibong tanggapin ang isang taong tulad nito bilang ating Diyos. Bagama’t nabigyan Niya tayo ng napakaraming manna, napakaraming matatamasa, wala sa mga ito ang makakaagaw sa lugar ng Panginoon sa ating puso. Iginagalang natin ang espesyal na identidad at katayuan ng taong ito nang may malaking pag-aatubili. Basta’t hindi Siya nagsasalita upang hilingin sa atin na kilalanin na Siya ang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusang kilalanin Siya bilang ang Diyos na malapit nang dumating subalit matagal nang gumagawa sa gitna natin.
Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, tinutustusan tayo ng mga ito ng Daang dapat nating sundan, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at nang hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong-hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging Diyos na ito at mga pag-aaring ito, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o magagawang kumausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay naipapamalas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; ipinapahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hamak na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tinulutan Niya tayo na muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglalaboy-laboy. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap. Sa panahong ito, ganap na Niyang nalupig ang ating puso; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tayo nakakaramdam ng paglaban sa Kanyang gawain at Kanyang salita, at nagpapatirapa tayo sa Kanyang harapan. Wala tayong ibang ninanais kundi sundan ang mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating buhay, at magawa Niya tayong perpekto, at masuklian natin ang Kanyang biyaya, at masuklian ang Kanyang pagmamahal sa atin, at magpasakop tayo sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang matapos ang ipinagkakatiwala Niya sa atin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 4: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 74
Ang Diyos at ang tao ay hindi maaaring banggitin nang magkapantay. Ang Kanyang diwa at ang Kanyang gawain ay labis na di-maaarok at hindi kayang maunawaan ng tao. Kung hindi personal na ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at sinasambit ang Kanyang mga salita sa gitna ng sangkatauhan, anuman ang mangyari, hindi mauunawaan ng tao ang mga layunin ng Diyos kailanman. Kaya naman, kahit yaong mga naglaan na ng kanilang buong buhay sa Diyos ay hindi makatatanggap ng Kanyang pagsang-ayon. Kung hindi sisimulan ng Diyos ang Kanyang gawain, gaano man kahusay gumawa ang tao, mababalewala ang lahat ng iyon, dahil ang mga iniisip ng Diyos ay laging magiging mas mataas kaysa sa mga iniisip ng tao, at ang karunungan ng Diyos ay hindi maaarok ng sinumang tao. Kaya nga sinasabi Ko na yaong mga “lubos na nakakaunawa” sa Diyos at sa Kanyang gawain ay mga walang kakayahan; lahat sila ay mayabang at mangmang. Hindi dapat limitahan ng tao ang gawain ng Diyos; bukod pa riyan, hindi kayang limitahan ng tao ang gawain ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang tao ay sadyang mas maliit kaysa sa isang langgam; kaya paanong maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Yaong mga palaging naglilitanya na, “Ang Diyos ay hindi gumagawa sa ganito o ganyang paraan,” o “Ang Diyos ay ganito o ganyan”—hindi ba’t mayabang sila magsalita? Dapat alam nating lahat na ang tao, na sa laman, ay nagawa nang tiwali ni Satanas, na ang kanyang pinakakalikasan ay ang labanan ang Diyos, at na hindi siya makapapantay sa Diyos, lalo nang hindi siya makapagbibigay ng anumang payo pagdating sa gawain ng Diyos. Pagdating naman sa kung paano ginagabayan ng Diyos ang tao, ito ay gawain ng Diyos Mismo. Akma na dapat magpasakop ang tao, nang hindi nagkikimkim ng ganito o ganyang pananaw, sapagkat ang tao ay alabok lamang. Yamang ang ating intensyon ay hanapin ang Diyos, hindi natin dapat pangibabawin ang ating mga kuru-kuro sa gawain ng Diyos para isaalang-alang ng Diyos, lalong hindi natin dapat gamitin ang ating mga tiwaling disposisyon para labanan nang sadya at matindi ang gawain ng Diyos. Hindi ba’t gagawin tayo niyan na mga anticristo? Paano masasabing ang gayong mga tao ay nananampalataya man lang sa Diyos? Yamang naniniwala tayo na mayroong Diyos, at yamang nais nating palugurin Siya at makita Siya, dapat nating hanapin ang daan ng katotohanan, at ang daan ng pagiging kaayon ng Diyos. Hindi tayo dapat makipagmatigasan sa paglaban sa Kanya. Anong kabutihan ang maidudulot ng gayong mga pagkilos?
Ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain. Maaaring hindi mo magawang tanggapin ang mga salitang ito, at maaaring tila hindi pangkaraniwan ang mga ito sa iyo, ngunit ipinapayo Ko sa iyo na huwag ilantad ang iyong pagiging natural sa ngayon, sapagkat yaon lamang mga tunay na nagugutom at nauuhaw sa katuwiran sa harap ng Diyos ang maaaring magkamit ng katotohanan, at yaon lamang mga tunay na deboto ang maliliwanagan at magagabayan Niya. Natatamo ang mga resulta sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan nang may mahinahong kapanatagan, hindi ng pakikipag-away at pakikipagtalo. Kapag sinabi Kong “ngayon, gumawa ang Diyos ng bagong gawain,” tinutukoy Ko ang pagbabalik ng Diyos sa katawang-tao. Marahil ay hindi nakakaligalig sa iyo ang mga salitang ito; marahil ay kinasusuklaman mo ang mga ito; o marahil ay may malaking interes ka sa mga ito. Anuman ang sitwasyon, sana ay kayang harapin ng lahat ng tunay na nasasabik na magpakita ang Diyos ang katunayang ito at maingat itong suriin, sa halip na basta na lang bumuo ng mga kongklusyon tungkol dito; iyan ang dapat gawin ng isang marunong na tao.
Hindi mahirap na suriin ang gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman muna ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dinadala Niya ang gawaing nilalayon Niyang gawin, at dahil Siya ang Diyos na nagkatawang-tao, ipinapahayag Niya kung ano Siya, at nagagawa Niyang ihatid sa tao ang katotohanan, pagkalooban ito ng buhay, at ituro dito ang daan. Ang laman na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung nilalayon ng tao na suriin kung ito ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, kailangan itong tukuyin ng tao mula sa disposisyon na ipinapahayag ng Diyos at sa mga salitang sinasambit ng Diyos. Ibig sabihin, para matukoy kung ito nga ba ang nagkatawang-taong laman ng Diyos o hindi, at kung ito nga ba ang tunay na daan o hindi, kailangang makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, ang susi sa kung ito ba o hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay nakasalalay sa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga salita, Kanyang disposisyon, at marami pang ibang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung sinusuri ng tao ang panlabas na anyo lamang ng Diyos, at dahil dito ay hindi niya napapansin ang diwa ng Diyos, ipinapakita nito na ang tao ay hangal at mangmang. Hindi matutukoy ng panlabas na anyo ang diwa; bukod pa riyan, ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman maaaring umayon sa mga kuru-kuro ng tao. Hindi ba’t ang panlabas na anyo ni Jesus ay salungat sa mga kuru-kuro ng tao? Hindi ba’t ang Kanyang hitsura at pananamit ay hindi nakapagpakita ng Kanyang tunay na pagkakakilanlan? Hindi ba’t tinutulan ng mga Pariseo noon si Jesus dahil mismo sa tiningnan lamang nila ang Kanyang panlabas na anyo, at hindi nila maingat na tinanggap ang mga salita mula sa Kanyang bibig? Inaasahan Ko na ang bawat isang kapatid na naghahanap sa pagpapakita ng Diyos ay hindi na uulitin ang trahedya ng kasaysayan, at hindi magiging isang Pariseo ng makabagong panahon at muling magpapako sa Diyos sa krus. Dapat ninyong pag-isipan nang mabuti kung paano sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos, at dapat kayong magkaroon ng malinaw na isipan kung paano maging isang taong nagpapasakop sa katotohanan. Ito ang responsabilidad ng bawat isang naghihintay na bumalik si Jesus na sakay ng ulap. Dapat nating palinawin ang ating espirituwal na mga mata, at hindi tayo dapat malubog sa mga salita ng pantasya. Dapat nating pag-isipan ang makatotohanang gawain ng Diyos, at tingnan ang praktikal na aspekto ng Diyos. Huwag magpatangay o magpadala sa inyong mga pangangarap nang gising, palaging umaasa na biglang bababa ang Panginoong Jesus sa gitna ninyo nang nakasakay sa ulap, at dadalhin paitaas kayong mga hindi kailanman nakakilala o nakakita sa Kanya, at hindi nakakaalam kung paano sumunod sa Kanyang kalooban. Mas mabuti pang pag-isipan ang mga mas makatotohanang bagay!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 75
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga Pariseo ng panahon na iyon, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilatis ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Magagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay pawang may kakayahang gumawa ng mga kilos ng paglaban kay Jesus, pagtanggi kay Jesus, at paninira kay Jesus. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Higit pa riyan, kaya nilang ituring na panlilihis ni Satanas ang pagbabalik ni Jesus, at karamihan ng mga taong ito ang kokondena kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagpunit sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtaboy sa lahat ng salitang ipinahayag ni Jesus. Ano ang makakamit ninyo kay Jesus kung gulong-gulo ang inyong pag-iisip? Paano ninyo mauunawaan ang gawaing ginagawa ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag mamulat? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng mga puting ulap, ay tiyak na ang mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu, at tiyak na sila ang kategoryang wawasakin. Hinahangad lamang ninyo ang biyaya ni Jesus, at nais lamang ninyong tamasahin ang napakaligayang dako ng langit, subalit hindi pa ninyo kailanman nasunod ang mga salitang sinambit ni Jesus, at hindi pa ninyo kailanman natanggap ang katotohanang ipinahayag ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao. Ano ang gagamitin ninyo bilang kapalit ng katunayan ng pagbalik ni Jesus sakay ng puting ulap? Ang sinseridad ba sa inyong paulit-ulit na pagkakasala, at pagkatapos ay sa paulit-ulit ding pagtatapat sa salita lamang? Ano ang iaalay ninyo bilang sakripisyo kay Jesus na nagbabalik sakay ng puting ulap? Ang kapital ba ng maraming taon ng paggawa kung saan itinataas ninyo ang inyong sarili? Ano ang gagamitin ninyo para pagkatiwalaan kayo ng nagbalik na si Jesus? Ang inyo bang mayabang na kalikasan, na hindi nagpapasakop sa anumang katotohanan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa
Araw-araw na mga Salita ng Diyos Sipi 76
Ang inyong katapatan ay sa salita lamang, ang inyong kaalaman ay nasa pag-iisip at mga kuru-kuro, ang inyong mga pagsusumikap ay alang-alang sa pagtatamo ng mga pagpapala ng langit, at kung gayon, ano kaya ang katangian ng inyong pananalig? Kahit ngayon, nagbibingi-bingihan pa rin kayo sa bawat isang salita ng katotohanan. Hindi ninyo alam kung ano ang Diyos, hindi ninyo alam kung ano si Cristo, hindi ninyo alam kung paano matakot kay Jehova, hindi ninyo alam kung paano pumasok sa gawain ng Banal na Espiritu, at hindi ninyo alam kung paano makatukoy sa pagitan ng gawain ng Diyos Mismo at ng panlilihis ng tao. Ang alam mo lamang ay kondenahin ang anumang salita ng katotohanang ipinahayag ng Diyos na hindi naaayon sa iyong sariling mga kaisipan. Nasaan ang iyong kababaang-loob? Nasaan ang iyong pagpapasakop? Nasaan ang iyong katapatan? Nasaan ang iyong saloobin na hanapin ang katotohanan? Nasaan ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso? Sinasabi Ko sa inyo, yaong mga naniniwala sa Diyos dahil sa mga tanda ay tiyak na ang kategoryang wawasakin. Yaong mga walang kakayahang tumanggap sa mga salita ni Jesus na nagbalik sa katawang-tao ay tiyak na mga anak ng impiyerno, mga inapo ng arkanghel, ang kategoryang wawasakin magpakailanman. Maraming tao ang maaaring walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat diumano’y banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata na bumababa si Jesus mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging panahon ng pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding kasabikan para sa iyo. Gayumpaman, dapat mong malaman na sa sandaling masaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit, iyon din ang sandali ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan, ang panahon kung kailan ang katapusan ng plano ng pamamahala ng Diyos ay naproklama na, at kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Ang mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nadala na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na “Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na cristo” ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagkakaloob ng buhay at ng tunay na daan. Kaya nga maaari lamang silang pakitunguhan ni Jesus kapag hayagan na Siyang nagbalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang mga gayong basura? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang tanda ng pagkondena. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas na tao, kundi isang nagpapasakop sa patnubay ng Banal na Espiritu at nauuhaw at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang. Pinapayuhan Ko kayo na tahakin nang maingat ang landas ng pananampalataya sa Diyos. Huwag kayong arbitraryong gumawa ng agarang kongklusyon; higit pa riyan, huwag kayong maging kaswal at pabasta-basta sa inyong pananampalataya sa Diyos. Dapat ninyong malaman na, kahit paano, yaong mga nananampalataya sa Diyos ay dapat magtaglay ng mapagpakumbaba at may-takot-sa-Diyos na puso. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit minamaliit ito ay mga hangal at mangmang. Yaong mga nakarinig sa katotohanan subalit walang-ingat na gumagawa ng agarang kongklusyon o kinokondena ito ay mayayabang na tao. Walang sinumang nananampalataya kay Jesus ang kalipikadong sumpain o kondenahin ang iba. Lahat kayo ay dapat maging mga taong may katwiran at tumatanggap sa katotohanan. Marahil, matapos marinig ang daan ng katotohanan at mabasa ang salita ng buhay, naniniwala ka na isa lamang sa 10,000 ng mga salitang ito ang naaayon sa iyong pagkaunawa at sa Bibliya, sa gayon ay dapat kang patuloy na maghanap sa isa sa 10,000 ng mga salitang ito. Pinapayuhan din kita na maging mapagpakumbaba, huwag maging masyadong tiwala sa sarili, at huwag maging labis na mapagpahalaga sa sarili. Sa munting may-takot-sa-Diyos na pusong taglay mo, magtatamo ka ng higit na liwanag. Kung sinusuri mong mabuti at paulit-ulit na pinagninilayan ang mga salitang ito, mauunawaan mo kung katotohanan ang mga ito o hindi, at kung ang mga ito ay buhay o hindi. Marahil, pagkatapos lang magbasa ng ilang pangungusap, pikit-matang kokondenahin ng ilang tao ang mga salitang ito, na sinasabing, “Kaunting kaliwanagan lamang ito mula sa Banal na Espiritu,” o, “Huwad na cristo ito na naparito upang ilihis ang mga tao.” Yaong mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay masyadong mangmang! Napakakaunti ng nauunawaan mo tungkol sa gawain at karunungan ng Diyos, at pinapayuhan kitang magsimulang muli sa wala! Huwag ninyong pikit-matang kondenahin ang mga salitang ipinahayag ng Diyos dahil lamang lilitaw ang mga huwad na cristo sa mga huling araw, at huwag kayong maging isang taong lumalapastangan sa Banal na Espiritu dahil natatakot kayong malihis. Hindi ba iyon magiging lubhang nakakapanghinayang? Kung, matapos ang paulit-ulit na pagsusuri, naniniwala ka pa rin na ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanan, hindi ang daan, at hindi pagpapahayag ng Diyos, sa huli ay parurusahan ka, at wala kang mga pagpapala. Kung hindi mo matatanggap ang gayong katotohanan na sinambit nang napakaliwanag at napakalinaw, hindi ba’t hindi ka karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos? Hindi ba’t isa kang taong walang pagpapala ng pagbabalik sa harap ng luklukan ng Diyos? Pag-isipan mo ito! Huwag kang padalos-dalos at mapusok, at huwag mong ituring na laro ang pananampalataya sa Diyos. Mag-isip ka alang-alang sa iyong hantungan, alang-alang sa iyong kinabukasan, alang-alang sa iyong buhay, at huwag mong paglaruan ang sarili mo. Matatanggap mo ba ang mga salitang ito?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa