1. Pagkilala sa Pagkakaiba ng Gawain ng Diyos sa Gawain ng Tao

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang gawain ng Diyos Mismo ay kinapapalooban ng gawain ng buong sangkatauhan, at kumakatawan din sa gawain ng buong kapanahunan, na ibig sabihin ay na ang sariling gawain ng Diyos ay kumakatawan sa bawat galaw at kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu, samantalang dumarating ang gawain ng mga apostol matapos ang sariling gawain ng Diyos at kasunod nito, at hindi ito ang namumuno sa kapanahunan, ni kumakatawan sa mga kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu sa isang buong kapanahunan. Ginagawa lamang nila ang gawaing kailangang gawin ng tao, na walang anumang kinalaman sa gawaing pamamahala. Ang gawaing isinakatuparan ng Diyos Mismo ay isang proyektong napapaloob sa gawaing pamamahala. Ang gawain ng tao ay tungkulin lamang na ginagampanan ng mga taong kinakasangkapan, at hindi ito nauugnay sa gawaing pamamahala. Sa kabila ng katotohanan na parehong gawain ng Banal na Espiritu ang mga ito, dahil sa mga pagkakaiba sa mga pagkakakilanlan at pagkakatawan ng gawain, may malinaw at makabuluhang pagkakaiba sa pagitan ng sariling gawain ng Diyos at gawain ng tao. Bukod dito, ang lawak ng gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu ay magkakaiba sa mga taong pinag-uukulan nito na may iba’t ibang pagkakakilanlan. Ito ang mga prinsipyo at saklaw ng gawain ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo ay ang gawaing ninanais Niya na gawin sa Kanyang sariling plano ng pamamahala at may kaugnayan sa dakilang pamamahala. Ang gawain na ginagawa ng tao ay binubuo ng pagtustos ng kanilang indibiduwal na karanasan. Binubuo ito ng pagkakasumpong ng isang bagong landas ng karanasan na higit sa nilakaran niyaong mga nauna sa kanila, at ng paggabay sa kanilang mga kapatid sa ilalim ng patnubay ng Banal na Espiritu. Ang itinutustos ng mga taong ito ay ang kanilang indibiduwal na karanasan o mga espirituwal na kasulatan ng mga espirituwal na tao. Kahit na sila ay ginagamit ng Banal na Espiritu, ang gawain ng gayong mga tao ay walang kinalaman sa dakilang gawain ng pamamahala na nasa anim-na-libong-taong plano. Ibinangon lamang sila ng Banal na Espiritu sa iba’t ibang panahon upang ihantong ang mga tao sa agos ng Banal na Espiritu hanggang sa magwakas ang mga tungkuling kaya nilang gampanan o dumating sa katapusan ang kanilang buhay. Ang gawaing ginagawa nila ay para lamang ihanda ang naaangkop na daan para sa Diyos Mismo o upang ipagpatuloy ang isang aspeto ng pamamahala ng Diyos Mismo sa lupa. Sa sarili nila, hindi kayang gawin ng mga taong ito ang mas dakilang gawain ng Kanyang pamamahala, at hindi sila makakapagbukas ng mga bagong daan palabas, lalo na ang tapusin ninuman sa kanila ang lahat ng gawain ng Diyos mula sa naunang kapanahunan. Samakatuwid, ang gawaing kanilang ginagawa ay kumakatawan lamang sa isang nilalang na gumaganap ng kanyang tungkulin at hindi maaaring kumatawan sa Diyos Mismo na gumaganap ng Kanyang ministeryo. Ito ay dahil ang gawaing kanilang ginagawa ay hindi tulad niyaong ginagawa ng Diyos Mismo. Hindi maaaring gawin ng tao bilang kahalili ng Diyos ang gawain ng paghahatid ng isang bagong kapanahunan. Hindi ito maaaring gawin ng sino pa man bukod sa Diyos Mismo. Ang lahat ng gawain na ginagawa ng tao ay pagganap ng kanyang tungkulin bilang isang nilalang at ito ay ginagawa kapag naaantig o naliliwanagan siya ng Banal na Espiritu. Ang patnubay na ibinibigay ng mga taong ito ay ganap na binubuo ng pagpapakita sa tao ng landas ng pagsasagawa sa pang-araw-araw na buhay at kung paano dapat kumilos ang tao na katugma sa kalooban ng Diyos. Hindi kinapapalooban ang gawain ng tao ng pamamahala ng Diyos at hindi rin ito kumakatawan sa gawain ng Espiritu. Bilang halimbawa, ang gawain nina Witness Lee at Watchman Nee ay ang manguna sa daan. Maging bago man o luma ang daan, ang gawain ay nakabase sa prinsipyo na nananatiling nakapaloob sa Biblia. Kung ito man ay para buhaying muli ang lokal na iglesia o magtayo ng lokal na iglesia, ang kanilang gawain ay ang magtatag ng mga iglesia. Ipinagpatuloy ng gawaing kanilang ginawa ang gawain na hindi natapos ni Jesus at ng Kanyang mga apostol o hindi pa lalong pinaunlad sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang kanilang ginawa sa kanilang gawain ay ang buhaying muli ang hiniling ni Jesus, sa Kanyang gawain noon, sa mga salinlahi pagkatapos Niya, kagaya ng pagpapanatiling nakatalukbong ang kanilang mga ulo, pagbautismo, pagpipira-piraso ng tinapay, o pag-inom ng alak. Maaaring sabihin na ang kanilang gawain ay ang manatili lamang sa Biblia at maghanap ng mga landas na nakapaloob lamang sa Biblia. Wala silang ginawang bagong pagsulong sa anumang paraan. Samakatuwid, makikita sa kanilang gawain ang pagkatuklas lamang ng mga bagong landas na nakapaloob sa Biblia, gayundin ang mas mahusay at mas makatotohanang mga pagsasagawa. Ngunit hindi makikita sa kanilang gawain ang kasalukuyang kalooban ng Diyos, lalong hindi makikita ang bagong gawain na balak gawin ng Diyos sa mga huling araw. Ito ay dahil sa ang landas na kanilang nilakaran ay luma pa rin; walang pagpapanibago at walang pagsulong. Nagpatuloy silang kumapit sa katotohanan ng pagkakapako sa krus ni Jesus, sa pagsasagawa ng paghingi sa mga tao na magsisi at ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, sa mga kasabihan na siya na nagtitiis hanggang sa wakas ay maliligtas, at na ang lalaki ang pinuno ng babae, at dapat pasakop ang babae sa kanyang asawa, at lalo na sa tradisyonal na kuru-kuro na hindi puwedeng mangaral ang mga kapatid na babae, kundi sumunod lamang. Kung ang gayong paraan ng pamumuno ay nagpatuloy, hindi sana kailanman nagawa ng Banal na Espiritu na magsakatuparan ng bagong gawain, mapalaya ang mga tao mula sa mga patakaran, o pangunahan ang mga tao tungo sa isang kinasasaklawan ng kalayaan at kagandahan. Samakatuwid, ang yugtong ito ng gawain, na binabago ang kapanahunan, ay nangangailangan na ang Diyos Mismo ang gumawa at bumigkas; kung hindi, walang sinumang tao ang makakagawa bilang kahalili Niya. Hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa labas ng daloy na ito ay huminto at yaong mga ginamit ng Banal na Espiritu ay nawalan ng direksyon. Samakatuwid, dahil ang gawain ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng gawain na ginagawa ng Diyos Mismo, ang kanilang mga pagkakakilanlan at ang kanilang kinakatawan ay naiiba rin. Ito ay dahil naiiba ang gawain na balak gawin ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay binibigyan ng magkakaibang pagkakakilanlan at katayuan ang mga gumagawa. Maaari ding gawin ng mga taong ginagamit ng Banal na Espiritu ang ilang bagong gawain at maaari din nilang alisin ang ilang gawain na ginawa sa naunang kapanahunan, ngunit hindi maaaring ipahayag ng kanilang gawain ang disposisyon at kalooban ng Diyos sa bagong kapanahunan. Gumagawa lamang sila upang alisin ang gawain ng naunang kapanahunan, hindi upang gawin ang bagong gawain para direktang kumatawan sa disposisyon ng Diyos Mismo. Kaya, kahit gaano karaming makalumang pagsasagawa ang kanilang buwagin o bagong pagsasagawa ang kanilang ipakilala, kumakatawan pa rin sila sa tao at mga nilalang. Gayunman, kapag ang Diyos Mismo ang nagsasakatuparan ng gawain, hindi Niya lantarang idinedeklara ang pagbuwag ng mga pagsasagawa ng lumang kapanahunan o direktang idinedeklara ang pagsisimula ng isang bagong kapanahunan. Direkta Siya at walang paliguy-ligoy sa Kanyang gawain. Tahasan Siya sa pagganap ng binabalak Niyang gawin; iyon ay, direkta Siyang nagpapahayag ng gawaing pinasimulan Niya, direktang ginagawa ang Kanyang gawain ayon sa orihinal na layunin, ipinahahayag kung ano Siya at ang Kanyang disposisyon. Sa tingin ng tao, ang Kanyang disposisyon at gayon din ang Kanyang gawain ay hindi tulad niyaong sa mga nakaraang kapanahunan. Subalit, mula sa pananaw ng Diyos Mismo, pagpapatuloy lamang ito at karagdagang pag-unlad ng Kanyang gawain. Kapag gumagawa ang Diyos Mismo, ipinahahayag Niya ang Kanyang salita at direktang naghahatid ng bagong gawain. Sa kabaligtaran, kapag gumagawa ang tao, ito ay sa pamamagitan ng masusing pagtalakay at pag-aaral, o ito ay ang pagpapaunlad ng kaalaman at pagbubuo ng sistema ng pagsasagawa na itinayo sa saligan ng gawain ng iba. Ibig sabihin, ang diwa ng gawaing ginagawa ng tao ay ang sundin ang itinatag na sistema at “lumakad sa mga dating landas gamit ang mga bagong sapatos.” Ito ay nangangahulugan na kahit na ang landas na nilakaran ng mga tao na ginamit ng Banal na Espiritu ay itinayo roon sa binuksan ng Diyos Mismo. Kaya, matapos ang lahat, ang tao ay tao pa rin at ang Diyos ay Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 1

Sa Kapanahunan ng Biyaya, sumambit din si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga taong sumambit ng mga salita, at ang kanilang mga salita humigit-kumulang ay mukhang magkakapareho sa tao. Lahat sila ay sumambit ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay sumambit ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa likas na katangian ng gawain. Para mahiwatigan ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang likas na katangian ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman o kababawan ng kanilang mga salita. Kailangan mo palaging isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinambit ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi tinustusan ang buhay ng tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang makagagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Sumambit din si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang baligtarin ang mga paglihis ng tao; pangatlo, ang Kanyang gawain ay maaaring sumunod sa gawain ni Jehova para ipagpatuloy ang kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maintindihan ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya tinatawag na Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Ikumpara natin si Isaias para sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao; pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinambit ay higit pa sa kaya niyang sambitin. Tuwiran siyang tumatanggap noon ng mga paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito mauunawaan ng iba, kahit napakinggan nila ang mga ito. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspeto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang banggitin yaong hindi kayang makamtan ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi Siya gumawa sa iilang tao lamang, ni hindi layon ng Kanyang gawain na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang tao, paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na nahihipo ng tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; mapapatunayan mo lamang kung Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao una sa lahat ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, mamahala sa bagong gawain, at magbukas ng isang bagong kaharian, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Dapat ninyong malaman kung paano alamin ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Ano ang makikita mo sa gawain ng tao? Napakaraming elemento ng karanasan ng tao sa kanyang gawain; kung ano ang ipinapahayag ng tao ay kung ano siya. Ang sariling gawain ng Diyos ay nagpapahayag din kung ano Siya, ngunit ang Kanyang katauhan ay naiiba sa tao. Ang katauhan ng tao ay kumakatawan sa karanasan at buhay ng tao (kung ano ang nararanasan o kinakaharap ng tao sa kanyang buhay, o ang kanyang mga pilosopiya sa pamumuhay), at ang mga taong namumuhay sa iba’t ibang sitwasyon ay nagpapahayag ng iba’t ibang pagkatao. May mga karanasan ka man sa lipunan at paano ka man tunay na namumuhay sa iyong pamilya at nakakaranas sa loob niyon ay makikita sa iyong ipinapahayag, samantalang hindi mo makikita sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao kung Siya ay may mga karanasan sa pakikisama. Alam na alam Niya ang pinakadiwa ng tao at maihahayag ang lahat ng klase ng mga pagsasagawa na may kinalaman sa lahat ng klase ng mga tao. Mas mahusay pa nga Siya sa paghahayag ng mga tiwaling disposisyon at masuwaying pag-uugali ng mga tao. Hindi Siya namumuhay sa piling ng mga taong makamundo, ngunit alam Niya ang likas na pagkatao ng mga mortal at lahat ng katiwalian ng mga taong makamundo. Ito ang Kanyang pagiging Diyos. Bagama’t hindi Siya nakikitungo sa mundo, alam Niya ang mga panuntunan ng pakikitungo sa mundo, dahil lubos Niyang nauunawaan ang likas na pagkatao ng tao. Alam Niya ang tungkol sa gawain ng Espiritu na hindi nakikita ng mga mata ng tao at hindi naririnig ng mga tainga ng tao, kapwa ngayon at noong araw. Kasama rito ang karunungan na hindi isang pilosopiya sa pamumuhay at mga himalang mahirap maarok ng mga tao. Ito ang Kanyang pagiging Diyos, bukas sa mga tao at tago rin sa mga tao. Ang Kanyang ipinapahayag ay hindi ang katauhan ng isang di-pangkaraniwang tao, kundi ang likas na mga katangian at pagkakakilanlan ng Espiritu. Hindi Siya naglalakbay sa mundo ngunit alam Niya ang lahat tungkol dito. Nakikipag-ugnayan Siya sa mga “taong-unggoy” na walang kaalaman o kabatiran, ngunit nagpapahayag Siya ng mga salitang mas mataas sa kaalaman at nakahihigit sa mga dakilang tao. Namumuhay Siya sa gitna ng isang grupo ng mga taong mabagal umunawa at manhid na hindi makatao at hindi nauunawaan ang mga kalakaran at buhay ng pagiging tao, ngunit maaari Niyang hingin sa sangkatauhan na isabuhay ang normal na pagkatao, habang ibinubunyag ang hamak at abang pagkatao ng sangkatauhan. Lahat ng ito ay ang Kanyang pagiging Diyos, mas mataas kaysa katauhan ng kahit sinong tao na may laman at dugo. Para sa Kanya, hindi kailangang magdanas ng isang kumplikado, masalimuot, at nakaririmarim na pakikisama sa lipunan upang gawin ang gawaing kailangan Niyang gawin at lubusang ibunyag ang pinakadiwa ng tiwaling sangkatauhan. Ang nakaririmarim na pakikisama sa lipunan ay hindi humuhubog sa Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang gawain at mga salita ay nagbubunyag lamang ng pagsuway ng tao at hindi nagkakaloob sa tao ng karanasan at mga aral sa pakikitungo sa mundo. Hindi Niya kailangang suriin ang lipunan o ang pamilya ng tao kapag tinutustusan Niya ng buhay ang tao. Ang paglalantad at paghatol sa tao ay hindi isang pagpapahayag ng mga karanasan ng Kanyang katawang-tao; ito ay Kanyang paghahayag ng kasamaan ng tao pagkatapos malaman ang pagsuway ng tao sa loob ng mahabang panahon at kapootan ang katiwalian ng sangkatauhan. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay upang ihayag ang Kanyang disposisyon sa tao at ipahayag ang Kanyang pagiging Diyos. Siya lamang ang makakagawa ng gawaing ito; hindi ito isang bagay na maaaring isagawa ng isang taong may laman at dugo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay hindi kumakatawan sa karanasan ng Kanyang katawang-tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay kumakatawan sa kanyang karanasan. Pinag-uusapan ng lahat ang kanilang personal na karanasan. Maipapahayag ng Diyos nang tuwiran ang katotohanan, samantalang maipapahayag lamang ng tao ang karanasang tumutugma sa kanyang pagdanas sa katotohanan. Ang gawain ng Diyos ay walang mga panuntunan at hindi sakop ng panahon o mga limitasyon ng heograpiya. Maipapahayag Niya kung ano Siya kahit kailan, kahit saan. Gumagawa Siya ayon sa gusto Niya. Ang gawain ng tao ay may mga kundisyon at konteksto; kung wala ang mga ito, hindi siya makakagawa at hindi niya maipapahayag ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos o ang kanyang karanasan sa katotohanan. Para masabi kung ang isang bagay ay sariling gawain ng Diyos o gawain ng tao, kailangan mo lamang ikumpara ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Nagiging tao lamang ang Diyos upang pamunuan ang kapanahunan at simulan ang bagong gawain. Kinakailangan ninyong maunawaan ang puntong ito. Ibang-iba ito sa tungkulin ng tao, at talagang magkaiba ang dalawa. Ang tao ay nangangailangan na malinang at magawang perpekto sa loob ng mahabang panahon bago siya maaaring magamit upang isagawa ang gawain, at ang uri ng pagkatao na kinakailangan ay may napakataas na antas. Hindi lamang dapat mapanatili ng tao ang pakiramdam ng normal na pagkatao, kundi dapat mas lalo pa niyang maunawaan ang maraming prinsipyo at patakaran ng pamamahala ng kanyang pag-uugali kaugnay sa iba, at higit pa rito ay dapat mangakong lalo pa siyang mag-aaral tungkol sa karunungan at kaalaman sa etika ng tao. Ito ang nararapat na ipagkaloob sa tao. Gayunman, ito ay hindi para sa Diyos na naging tao, dahil ang Kanyang gawain ay hindi kumakatawan sa tao o sa gawain ng tao; sa halip, ito ay isang tuwirang pagpapahayag ng kung ano Siya at isang tuwirang pagsasagawa ng gawain na dapat Niyang gawin. (Natural, isinasagawa ang Kanyang gawain sa angkop na panahon, at hindi lang basta-basta at sapalaran, at sinisimulan ito kapag oras na para tuparin ang Kanyang ministeryo.) Hindi Siya nakikibahagi sa buhay ng tao o gawain ng tao, iyon ay, ang Kanyang pagkatao ay hindi binigyan ng alinman sa mga ito (bagaman hindi ito nakakaapekto sa Kanyang gawain). Tinutupad Niya lamang ang Kanyang ministeryo kapag oras na para gawin Niya ito; anuman ang Kanyang katayuan, ipinagpapatuloy Niya lamang ang gawain na dapat Niyang gawin. Anuman ang alam ng tao sa Kanya at anuman ang opinyon ng tao sa Kanya, ang Kanyang gawain ay lubos na hindi naaapektuhan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 3

Ang gawain ng tao ay nananatili sa loob ng isang saklaw at limitado ito. Magagawa lamang ng isang tao ang gawain ng isang tiyak na yugto at hindi magagawa ang gawain ng buong kapanahunan—kung hindi, pamumunuan niya ang mga tao sa gitna ng mga panuntunan. Ang gawain ng tao ay maaari lamang umangkop sa isang partikular na panahon o yugto. Ito ay dahil ang karanasan ng tao ay mayroong saklaw. Hindi maikukumpara ng isang tao ang gawain ng tao sa gawain ng Diyos. Ang mga paraan ng pagsasagawa ng tao at ang kanyang kaalaman tungkol sa katotohanan ay angkop lahat sa isang partikular na saklaw. Hindi mo masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ganap na kalooban ng Banal na Espiritu, dahil maaari lamang liwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, at hindi maaaring ganap na mapuspos ng Banal na Espiritu. Lahat ng bagay na maaaring maranasan ng tao ay nasa saklaw ng normal na pagkatao at hindi maaaring lumampas sa saklaw ng mga saloobin ng normal na isipan ng tao. Lahat ng makapagsasabuhay sa realidad ng katotohanan ay dumaranas sa loob ng saklaw na ito. Kapag nararanasan nila ang katotohanan, palagi itong isang karanasan sa normal na buhay ng tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu; hindi ito isang paraan ng pagdanas na lihis mula sa normal na buhay ng tao. Nararanasan nila ang katotohanang niliwanagan ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kanilang pamumuhay bilang tao. Bukod pa rito, ang ganitong katotohanan ay iba-iba sa bawat tao, at ang lalim nito ay nauugnay sa kalagayan ng tao. Masasabi lamang ng isang tao na ang landas na kanilang tinatahak ay ang normal na buhay ng isang taong naghahanap sa katotohanan, at maaari itong tawaging landas na tinahak ng isang normal na tao na niliwanagan ng Banal na Espiritu. Hindi niya masasabi na ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas na tinatahak ng Banal na Espiritu. Sa normal na karanasan ng tao, dahil hindi pare-pareho ang mga taong naghahanap, hindi rin pare-pareho ang gawain ng Banal na Espiritu. Dagdag pa rito, dahil hindi pare-pareho ang mga sitwasyong nararanasan ng mga tao at ang mga saklaw ng kanilang karanasan, at dahil magkakahalo ang kanilang isipan at mga saloobin, halu-halo ang kanilang karanasan sa iba’t ibang antas. Nauunawaan ng bawat tao ang katotohanan ayon sa kanilang iba’t ibang indibiduwal na kundisyon. Ang pagkaunawa nila sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi ganap at iisa o ilang aspeto lamang nito. Ang saklaw ng katotohanang nararanasan ng tao ay nagkakaiba sa bawat tao ayon sa mga kundisyon ng bawat tao. Sa ganitong paraan, ang kaalaman tungkol sa iisang katotohanan, ayon sa ipinahayag ng iba’t ibang tao, ay hindi pare-pareho. Ibig sabihin, ang karanasan ng tao ay laging may mga limitasyon at hindi maaaring lubos na kumatawan sa kalooban ng Banal na Espiritu, ni hindi mahihiwatigan ang gawain ng tao bilang gawain ng Diyos, kahit lubhang nakaayon ang ipinahayag ng tao sa kalooban ng Diyos, at kahit napakalapit ng karanasan ng tao sa pagpeperpektong isinasagawa ng Banal na Espiritu. Maaari lamang maging lingkod ng Diyos ang tao, na ginagawa ang gawaing ipinagkakatiwala sa kanya ng Diyos. Maaari lamang ipahayag ng tao ang kaalamang niliwanagan ng Banal na Espiritu at ang mga katotohanang natamo mula sa kanyang mga personal na karanasan. Ang tao ay hindi karapat-dapat at hindi tumutugon sa mga kundisyon upang maging daluyan ng Banal na Espiritu. Wala siyang karapatang magsabi na ang kanyang gawain ay gawain ng Diyos. Ang tao ay may mga prinsipyo ng tao sa paggawa, at lahat ng tao ay may iba’t ibang karanasan at iba-iba ang mga kundisyon. Kasama sa gawain ng tao ang lahat ng karanasan niya sa ilalim ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga karanasang ito ay maaari lamang kumatawan sa katauhan ng tao at hindi kumakatawan sa katauhan ng Diyos o sa kalooban ng Banal na Espiritu. Samakatuwid, hindi masasabi na ang landas na tinatahak ng tao ay ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, dahil ang gawain ng tao ay hindi maaaring kumatawan sa gawain ng Diyos, at ang gawain ng tao at karanasan ng tao ay hindi ang ganap na kalooban ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng tao ay madaling bumagsak sa mga panuntunan, at ang pamamaraan ng kanyang gawain ay madaling malimitahan ang saklaw, at hindi nagagawang akayin ang mga tao sa isang malayang daan. Karamihan sa mga tagasunod ay namumuhay sa loob ng isang limitadong saklaw, at ang paraan ng kanilang pagdanas ay limitado rin sa saklaw nito. Palaging limitado ang karanasan ng tao; ang pamamaraan ng kanyang gawain ay limitado rin sa iilang uri at hindi maikukumpara sa gawain ng Banal na Espiritu o sa gawain ng Diyos Mismo. Ito ay dahil ang karanasan ng tao, sa huli, ay limitado. Paano man gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ito limitado ng mga panuntunan; paano man ito ginagawa, hindi ito limitado sa iisang pamamaraan. Walang anumang mga panuntunan sa gawain ng Diyos—lahat ng Kanyang gawain ay pinawalan at malaya. Gaano man karaming panahon ang ginugugol ng tao sa pagsunod sa Kanya, hindi niya mahahati sa maliliit na bahagi ang anumang mga batas na namamahala sa mga paraan ng paggawa ng Diyos. Bagama’t may prinsipyo ang Kanyang gawain, lagi itong ginagawa sa mga bagong paraan at laging may mga bagong nangyayari, at hindi ito kayang abutin ng tao. Sa iisang panahon, maaaring may ilang iba’t-ibang uri ng gawain at iba’t ibang paraan ang Diyos sa pamumuno sa mga tao, kaya laging may mga bagong pagpasok at pagbabago ang mga tao. Hindi mo mahihiwatigan ang mga batas ng Kanyang gawain dahil palagi Siyang gumagawa sa mga bagong paraan, at sa gayong paraan lamang hindi nalilimitahan ng mga panuntunan ang mga tagasunod ng Diyos. Ang gawain ng Diyos Mismo ay laging iniiwasan ang mga kuru-kuro ng mga tao at sinasalungat ang mga ito. Yaon lamang mga sumusunod at humahabol sa Kanya nang may tapat na puso ang maaaring mabago ang kanilang mga disposisyon at magagawang mamuhay nang malaya, nang hindi sumasailalim sa anumang mga panuntunan o napipigilan ng anumang mga relihiyosong kuru-kuro. Ang gawain ng tao ay maraming hinihiling sa mga tao batay sa kanyang sariling karanasan at kung ano ang maaari niya mismong makamtan. Ang pamantayan ng ganitong mga kinakailangan ay limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw, at napakalimitado rin ng mga pamamaraan ng pagsasagawa. Sa gayon ay hindi namamalayan ng mga tagasunod na namumuhay sila sa limitadong saklaw na ito; sa paglipas ng panahon, nagiging mga panuntunan at ritwal ang mga bagay na ito. Kung ang gawain ng isang panahon ay pinamunuan ng isang taong hindi pa dumaan sa personal na pagpeperpekto ng Diyos at hindi pa nakatanggap ng paghatol, lahat ng kanyang tagasunod ay magiging relihiyoso at eksperto sa paglaban sa Diyos. Samakatuwid, kung may isang karapat-dapat na pinuno, maaaring nagdaan na ang taong iyon sa paghatol at tumanggap na ng pagpeperpekto. Yaong mga hindi pa dumaan sa paghatol, kahit maaaring mayroon silang gawain ng Banal na Espiritu, ay malabo at hindi-totoong mga bagay lamang ang ipinapahayag. Sa paglipas ng panahon, aakayin nila ang mga tao tungo sa malabo at higit-sa-karaniwang mga panuntunan. Ang gawaing ginagampanan ng Diyos ay hindi umaayon sa laman ng tao. Hindi iyon naaayon sa mga saloobin ng tao, kundi sumasalungat sa mga kuru-kuro ng tao; hindi ito nabahiran ng malalabong kulay ng relihiyon. Ang mga resulta ng gawain ng Diyos ay hindi maisasagawa ng isang taong hindi Niya nagawang perpekto; hindi iyon kayang abutin ng pag-iisip ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Sinundan: 5. Binubuo ng Dalawang Pagkakatawang-tao ang Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Sumunod: 2. Pagkilala sa Pagkakaiba ng Gawain ng Banal na Espiritu sa Gawain ng Masasamang Espiritu

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito