Ang Pananampalataya sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo
Bagama’t may ilang kabataan na nananampalataya sa Diyos, napakahirap para sa kanila na alisin ang masamang kagawian ng pagkamahiliging maglaro ng mga computer game. Anong uri ng mga bagay ang karaniwang nauugnay sa computer games? Naglalaman ang mga ito ng napakaraming karahasan. Ang gaming—ito ay mundo ng mga diyablo. Para sa karamihan, pagkatapos maglaro ng games na ito sa loob ng mahabang panahon, hindi na sila nakagagawa ng anumang tunay na gawain, hindi na nila nais na pumasok sa paaralan, o magtrabaho, o mag-isip tungkol sa kanilang kinabukasan, mas lalong hindi na nila pinag-iisipan ang kanilang mga buhay. Anong mga bagay ang pumupuno sa puso ng mga kabataan ngayon sa lipunan? Bukod sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, ang puso nila ay puno ng paglalaro ng games. Kakatwa at hindi makatao ang lahat ng sinasabi at iniisip nila. Maging ang mga salitang “marumi” o “masama” ay hindi na magamit ninuman upang ilarawan ang mga bagay na iniisip nila; hindi iyon mga bagay na dapat taglayin ng mga may normal na pagkatao, lahat iyon ay kakatwa at hindi makataong bagay. Kung magsasalita ka tungkol sa mga usapin o paksa na may kinalaman sa normal na pagkatao, hindi nila kayang marinig ang tungkol dito; hindi sila interesado o hindi handang makinig, at makakaramdam pa nga sila ng pag-ayaw sa iyo. Hindi magkatugma ang kanilang pananalita at mga paksa sa mga normal na tao. Tanging pagkain, pag-inom, at pagkakaroon ng katuwaan ang pinag-uusapan nila. Ang puso nila ay puno ng mga makamundong kalakaran. Anong kinabukasang mayroon sila? Mayroon ba silang kinabukasan? (Wala, masasayang ang mga taong ito.) Ang “sayang” ay isang napakaangkop na salita. Ano ang ibig sabihin nito? Makalalahok ba sila sa mga gawain kung saan dapat na makilahok ang mga may normal na pagkatao? (Hindi.) Hindi na nagsisikap sa kanilang pag-aaral ang mga taong ito, at kung may isang taong magpapatrabaho sa kanila nang husto, payag ba silang gawin ito? (Hindi.) Ano ang iisipin nila? Iisipin nila, “Ano ba ang punto ng pagtatrabaho? Masyadong nakakapagod ang gawaing ito. Ano ang makakamit ko rito? Wala, maliban sa mapagod at magkaroon ng pasakit. Higit na masaya, nakakapagpaginhawa, at nakakawili ang paglalaro ng games. Kapag nasa harap ako ng kompyuter, at namumuhay sa isang virtual na mundo, nasa akin na ang lahat.” Kung patatrabahuhin mo sila nang mula ika-siyam ng umaga hanggang ika-lima ng hapon, papupuntahin sila sa trabaho sa tamang oras, magtatrabaho sa permanenteng haba ng oras, ano ang mararamdaman nila tungkol dito? Magiging handa ba silang sundin ang iskedyul na iyon at matali nang ganito? (Hindi.) Kapag palagiang naglalaro ng games ang mga tao at nagsasayang ng oras sa kompyuter, hindi magtatagal ay mawawalan sila ng determinasyon at mabubulok sila. Natutuwa ang mga walang pananampalataya sa pagsunod sa mga uso at gusto nila ng mga fashion, lalo na ang mga kabataan, at ang karamihan sa kanila ay hindi nag-aasikaso sa kanilang nararapat na mga trabaho o tumatahak sa tamang landas; hindi sila nagagawang pangasiwaan ng kanilang mga magulang, walang magawa sa kanila ang kanilang mga guro, at walang magagawa ang sistema ng edukasyon sa anumang bansa tungkol sa kalakarang ito. Gumagawa ang mga diyablo at si Satanas ng mga bagay upang tuksuhin ang mga tao at dalhin sila sa kabulukan. Ang mga namumuhay sa virtual na mundo ay walang kahit na anupamang interes sa anumang may kinalaman sa buhay ng normal na pagkatao; sadyang wala silang ganang magtrabaho o mag-aral. Ang tanging inaalala nila ay ang maglaro ng games, na tila ba inaakit sila ng isang bagay. Sabi ng mga siyentista, sa sandaling pumasok sa papel ng karakter ang mga taong naglalaro ng games, nagsisimulang maglabas ang kanilang utak ng isang bagay na pinasasabik sila at ginagawa pa nga silang medyo delusyonal, at pagkatapos, nalululong sila sa paglalaro ng games at lagi nilang iniisip na laruin ang mga iyon. Sa tuwing naiinip sila o nasa gitna ng paggawa ng ilang marapat na gawain, mas ninanais nilang maglaro ng games, at unti-unti, nagiging buong buhay na nila ang paglalaro. Ang paglalaro ng games ay parang pag-inom ng isang uri ng droga: Sa sandaling malulong dito ang isang tao, magiging mahirap na ang huminto at umiwas dito—sinisira sila nito. Bata man o matanda, sa sandaling makuha ng mga tao ang masamang gawing ito, mahihirapan silang talikuran ito. Nagpapakapuyat at naglalaro ng games ang ilang bata sa buong magdamag, gabi-gabi, at hindi sila makontrol ni masubaybayan ng kanilang mga magulang, kaya namamatay sa kalalaro ang mga bata sa harap ng kompyuter. Paano sila namatay? Ayon sa siyentipikong ebidensya, nagdusa sila dahil sa necrosis sa utak—naglaro sila hanggang sa mamatay. Masasabi ba ninyo na ang paglalaro ng games ay isang bagay na dapat gawin ng mga normal na tao? Kung kailangan ito para sa normal na pagkatao ng mga tao—kung ito ang tamang landas—bakit hindi nagagawa ng mga tao na itigil ito? Paano sila nagagawang mabighani nito sa ganitong antas? Ang isang bagay na pinatutunayan nito ay na hindi isang mabuting landas ang paglalaro ng games. Ang paggugol ng buong araw nang nakatutok sa internet, pagsu-surf online sa kung ano-ano, panonood ng mga nakasasamang bagay, at paglalaro ng games—ang paglalaro ng gayong mga bagay buong araw ay magpapababa lang sa mga tao sa mga walang kabuluhang bagay, at makakasakit at makakapinsala sa mga tao. Wala sa mga ito ang tamang landas. Sa panahon ngayon, ang mga teenager, kabataan, at maging ang mga nasa katamtamang gulang at matatanda ay naglalaro lahat ng mga videogame. Parami nang parami ang mga taong naglalaro ng mga ito. Bagama’t alam ng karamihan sa mga tao na hindi ito mabuti, hindi nila mapigilan ang sarili nila. Ang gaming na ito ay nakapipinsala sa mga nakababatang henerasyon, at nakapinsala na ito sa napakaraming tao. At paano ba nagkaroon ng games? Hindi ba’t galing ang mga ito kay Satanas? May ilang kakatwang uri ng tao na nagsasabing, “Ang mga videogame ay simbolo ng modernong siyentipikong pag-unlad—mga tagumpay ng siyensya ang mga ito.” At anong klaseng paliwanag ito? Nakasusuklam ito! Hindi mabuting landas ang gaming, at hindi ito ang tamang landas! Ang gaming na ito ay hindi lamang isang usapin ng pagsunod sa mga kalakaran ng lipunan, maging ang mga walang pananampalataya ay nagsasabi na ang gaming ay sumisira sa pagkakaroon mo ng layon. Kung hindi mo kayang itigil ang isang bagay na kasingsimple nito, kung hindi mo makontrol ang iyong sarili sa bagay na ito, nanganganib ka. Sa panahon ngayon, karaniwan na sa mga tao ang maglaro ng mga videogame at magdroga, bata man sila o matanda, at ang buong mundo ay ganito. Gaano katagal ka mang nananampalataya sa Diyos, kung hindi mo man lang makontrol ang isang bagay tulad ng paglalaro ng mga videogame, kung gayon, balang araw, kapag naramdaman mo na ang pananampalataya sa Diyos ay walang saysay, nakakainip, at nakakabagot, hindi ka ba magsisimulang magdroga at mag-eksperimento sa lahat ng uri ng stimulant tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya? Lubhang mapanganib ito! Maaaring nananampalataya ka sa Diyos, pero wala kang pundasyon at hindi mo pa nakamit ang katotohanan, kaya ganap ka pa ring nanganganib na ipagkanulo Siya. Maaaring malugmok ka sa anumang bagay na nangyayari sa iyo. Napakaraming tukso sa masamang mundong ito, at ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan para akitin ang mga nananampalataya sa Diyos ngunit hindi naghahangad sa katotohanan. Kung hindi ka regular na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos at kadalasang blangko ang iyong puso at isipan, kung gayon, lubha kang nanganganib. Madalas bang blangko ang puso ninyo? Madalas na blangko ang puso ng mga kabataan! Lubhang mapanganib na hayaan ang problemang ito nang hindi nalulutas. Sapagkat nananampalataya ka sa Diyos, dapat kang magbasa ng higit pang mga salita Niya, at kapag nagawa mong tanggapin ang ilan sa katotohanan, magiging isa itong kritikal na pagkakataon ng pagbabago, at matatakasan mo ang mapanganib na panahong ito at makakapanindigan sa iglesia.
Parami nang parami ang mga kabataang sumasapi sa sambahayan ng Diyos at marami-rami sa kanila ang nasa bente anyos. Sila ay nasa panahon ng kasibulan ng kanilang buhay, hindi pa nila natutukoy ang mga layon nila sa buhay, wala silang mga adhikain, at hindi pa nila nauunawaan kung ano ang buhay. At ano ang naipapamalas sa mga taong ito? Mayroon Akong dalawang pahayag para sa inyo: mapusok na kahambugan ng kabataan at walang pagkilatis. At bakit Ko sinasabi iyon? Talakayin muna natin ang ibig sabihin ng “mapusok na kahambugan ng kabataan.” Kaya ba ninyong ipaliwanag kung ano ang “mapusok na kahambugan ng kabataan”? Anong uri ng disposisyon ito? Anong uri ang mga ipinamamalas nito? (Ito ay kapag iniisip ng mga tao na ang anumang gusto nila ay siyang pinakamainam, na anumang iniisip nila ay tama, at ayaw nilang makinig kaninuman.) Sa madaling salita, ang uring ito ng disposisyon ay “mayabang.” Ito ang tipikal na disposisyon ng mga taong nasa ganitong edad. Anuman ang sitwasyon ng kanilang pamumuhay o pinanggalingan, o anumang henerasyon sila nagmumula, lahat ng nasa ganitong edad ay may mapusok na kahambugan ng kabataan. At bakit Ko sinasabi ito? Hindi naman sa may pagkiling Ako sa kanila o mababa ang tingin Ko sa kanila, bagkus ito ay dahil ang mga taong nasa ganitong edad ay nagkikimkim ng isang uri ng disposisyon, ito ay ang sobrang mayabang, mababaw, at mapagmataas na disposisyon. Dahil wala silang gaanong karanasan sa mundo at napakakaunti ng nauunawaan nila sa buhay, sa sandaling makaranas sila ng ilang bagay sa mundo o sa buhay, iisipin nilang, “Nauunawaan ko, napag-isipan ko na, alam ko na ang lahat ngayon! Nauunawaan ko ang sinasabi ng matatanda at nakikibagay ako sa kung ano ang uso sa lipunan. Tingnan ninyo kung gaano kabilis umuunlad ngayon ang mga cell phone at kung gaano kakumplikado ang lahat ng feature ng mga ito. Alam kong lahat ito, hindi katulad ninyong matatanda na walang nauunawaang kahit ano.” Kapag lumalapit ang isang matanda sa kanila para humingi ng tulong sa isang bagay, sasabihin pa nga nilang, “Kapag tumanda na ang mga tao, wala na silang silbi. Ni hindi sila makagamit ng kompyuter, bakit pa ba sila nabubuhay?” Ano ang ibig sabihin nito? Ito ay pagpapamalas ng mapusok na kahambugan ng kabataan. Mas mahusay ang memorya ng mga kabataan at mas mabilis silang tumanggap ng mga bagong ideya, at sa tuwing may natututunan silang bago, minamata nila ang matatanda. Ito ay isang tiwaling disposisyon. At ang ganitong uri ba ng disposisyon ang disposisyon ng normal na pagkatao? Maituturing ba itong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Hindi.) Ito ang dahilan kaya ito tinatawag na mapusok na kahambugan ng kabataan. Kung gayon, bakit ito tinatawag na “mapusok na kahambugan” at hindi “kayabangan”? Dahil ito ay isang disposisyong natatangi sa mga kabataan—natututo sila ng isang maliit na bagay at nagiging mayabang na sila, hindi nila alam ang kanilang posisyon sa sansinukob, at itinuturing nila ang bagay na natutunan nila bilang puhunan. Ang lahat ng tao ay kagaya nito kapag bata pa sila, hanggang sa mas tumanda sila nang kaunti, mas nakauunawa nang kaunti, at nakararanas ng mas marami pang kaginhawaan at paghihirap sa buhay. Pagkatapos ay nagiging mas nasa hustong gulang na sila at mas matatag, at mas gusto na nilang umasal sa mas mapagpakumbabang paraan—hindi na sila nagmamalaki kapag may natututunan silang gawin, at hindi na sumasama ang loob nila kapag may isang bagay silang hindi kayang gawin. Masyadong palalo ang mga kabataan: Tuwing may natututunan silang gawin, kailangan nilang ipagmayabang iyon, at nakararamdam sila ng pagmamalaki. Kung minsan, kapag nananabik sila, nagsisimula silang mag-isip na nahigitan na nila ang lahat ng iba pa, na maliit ang mundo para sa kanila, at nangangarap sila na sana ay makakatira na lang sila sa ibang planeta. Ito ay mapusok na kahambugan. Ang mapusok na kahambugan ng kabataan ay pangunahing nakikita sa pagiging mangmang ng isang tao sa kanyang lugar sa sansinukob at sa kung ano ang kailangan ng mga tao at anong landas ang dapat nilang sundin sa buhay, anong mga kondisyon ang mapanganib na ipamuhay, at ano ang dapat na ginagawa nila. Tulad ito ng madalas sabihin ng mga tao: “Wala silang pagkilatis, at walang alam tungkol sa buhay.” Ang mga taong nasa ganitong edad ay may ganitong disposisyon ng mapusok na kahambugan, kaya ibinubunyag nila ang mga bagay na ito. May mga kabataang nag-iisip na ang lahat ng tao ay mas mababa sa kanila, at kapag may sinabi kang isang bagay na hindi nila gusto, hindi ka na lamang nila papansinin. Mahirap para sa mga magulang na maintindihan ang iniisip ng mga kabataan—isang maling salita at nag-aalboroto na sila at pagalit na umaalis. Mahirap makipag-usap sa kanila. Bakit kaya nahihirapan ang mga magulang ngayon na pangasiwaan at turuan ang kanilang mga anak? Hindi ito dahil sa hindi gaanong nakapag-aral ang mga magulang at hindi nauunawaan ang nasa isip ng mga kabataan, ito ay dahil naging hindi na normal ang pag-iisip ng mga kabataan. Mahal ng lahat ng kabataan ang mga makamundong kalakaran, at bihag sila ng mga ito; lahat sila ay mga sakripisyo kay Satanas, masyadong mabilis silang nagiging masama, at nahihirapan silang mamulat dito. Iyon ang dahilan kung bakit hindi madaling maging magulang—may ilang magulang pa nga na nag-aabalang matuto ng child psychology upang maturuan ang kanilang mga anak. Maraming bata sa panahon ngayon ang nagdurusa ng mga kakaibang sakit tulad ng autism at depresyon, kaya mahirap silang pangasiwaan. Walang landas o malinaw na paliwanag ang mga tao para sa mga problemang ito, at nakaimbento ang mga intelektuwal sa mga paaralan at lipunan ng mga pariralang tulad ng “mapaghimagsik na mentalidad” o “panahon ng paghihimagsik.” Bakit walang ganitong mga termino sa mga naunang henerasyon? Malaki ang iniunlad ng siyensya ngayon, at naglabasan na ang lahat ng uri ng kakaibang parirala; pasama nang pasama ang sangkatauhang ito, at unti-unting nawawala ang mga bagay ng normal na pagkatao—hindi ba’t dulot ito ng masasamang kalakaran sa lipunan? (Ganoon na nga.) Kaya, ang dahilan kung bakit nakauupo kayong mga kabataan dito ngayon, nang may taos-pusong pagnanais na marinig Akong magsalita, nakikinig sa Akin na magbahagi nang ganito, ay hindi dahil sa magaling ang sinuman sa inyo, at handang piliin ang landas ng paghahangad sa katotohanan—ito ay dahil sa biyaya ng Diyos, ito ay dahil hindi kayo ibinigay ng Diyos sa mundo o kay Satanas. Nakikita mo ang mga kabataang iyon sa lipunan na hindi nananampalataya sa Diyos kahit sino pa man ang nagsisikap na hikayatin sila. Walang magiging silbi kahit kausapin Ko sila. Iyon ba ay usapin lang ng mapusok na kahambugan ng kabataan? Anong klaseng mga tao ba sila? Kung wala silang konsensiya o katwiran, sila ay walang iba kundi mga hayop at diyablo! Kung kakausapin mo sila gamit ang wika ng tao, mauunawaan ba nila? Hindi na ito isang isyu ng kung mahirap ba silang kausapin, ito ay dahil ayaw talaga nilang makinig. Dahil sa biyaya at pagprotekta ng Diyos kaya ninyo nagagawang tanggapin ang Kanyang gawain ngayon, maunawaan ang Kanyang mga salita, at magkaroon ng interes sa daan ng katotohanan! Kaya, dapat ninyong pahalagahan ang pagkakataong ito na gampanan ang inyong tungkulin, at magsumikap na matatag na magtanim ng pundasyon sa inyong pananampalataya sa Diyos sa panahong ito. Pagkatapos ay magiging ligtas kayo, at hindi kayo madaling matatangay ng masasamang kalakarang ito. Sa sandaling mabitag ng masasamang kalakarang ito ang mga tao, madali silang natatangay ng mga ito, at kapag natangay kang muli ng mga ito, gugustuhin ka ba ng Diyos? Hindi, hindi ka Niya gugustuhin! Binigyan ka na Niya ng isang pagkakataon, at hinding-hindi ka na Niya gugustuhin pa. Kapag hindi ka gusto ng Diyos, manganganib ka, at makakaya mong gawin ang kahit ano.
Ngayong natalakay na natin ang “mapusok na kahambugan ng kabataan,” pag-usapan natin ang “walang pagkilatis.” Ang “walang pagkilatis” ay isang medyo pormal na termino. Ipaliwanag mo ang literal na kahulugan nito. (Ito ay kapag hindi matukoy ng isang tao ang mabuti sa masama, at inaakala niya na ang itinuturing niyang mabuti ay magiging mabuti palagi, at ang itinuturing niyang masama ay magiging masama palagi, at paano man ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa kanya, hindi siya makikinig.) (Ito ay kapag hindi alam ng isang tao ang tama sa mali, at wala siyang pagkakilatis.) Iyon na halos ang literal na kahulugan nito—ang hindi matukoy ang tama sa mali, at hindi alam kung aling mga bagay ang positibo at alin ang negatibo. Dahil sa kanyang mapusok na kahambugan ng kabataan, hindi siya natatablan ng anumang sabihin ng mga tao, iniisip niya na: “Mali ang anumang sinasabi ng iba, at ang sinasabi ko ang tama. Walang sinumang dapat magsabi sa akin kung ano ang mga nangyayari, hindi ako makikinig sa kanila. Magmamatigas talaga ako, at patuloy akong magmamatigas at igigiit ko ang aking mga ideya, kahit mali pa ako.” Ito ang uri ng disposisyon na taglay niya—wala siyang pagkilatis. Sa panlabas, kaya niyang maglitanya ng sunod-sunod na mga doktrina, at kaya niyang talakayin ang mga iyon nang mas malinaw at mas nauunawaan kaysa sa sinumang iba pa, kaya bakit palagi siyang naguguluhan at nalilito kapag oras na para kumilos? Alam na alam niya kung ano ang tama, ngunit ayaw talaga niyang makinig—ginagawa niya ang gusto niya, at kumikilos sa paraang gusto niya. Pagiging kapritsoso iyon, at kakatwa. Ang mga taong sumusunod sa mga kalakaran ng mundo ay medyo kakatwa. Mahilig sila sa parkour at bungee jumping, at gusto nilang maghanap ng kasabikan sa lahat ng uri ng matitinding sports. Hindi ba’t kakatwa ito? Mahilig din ba kayong lahat sa parkour? (Mahilig ako noon.) At bakit mo ito nagustuhan? Hindi mo ba alam na mapanganib ang parkour? Hindi mo ba alam na inilalagay mo ang iyong buhay sa panganib kapag nagpa-parkour ka? Hindi mga gagamba o tuko ang mga tao. Kung gagapang sila sa dingding, tiyak na mahuhulog sila. Walang ganoong abilidad ang mga tao, at hindi iyon isang bagay na taglay ng mga taong may normal na pagkatao. Bakit gusto ninyo ito? Ito ay dahil ang mga bagay na ito ay nakapagbibigay sa mga tao ng isang uri ng stimulasyon sa paningin at damdamin, kaya gustong mag-parkour ng mga tao. Ano ang kumokontrol sa pag-iisip na ito? Galing ba ito kay “Spider-Man”? Hindi ba’t may mentalidad at malalim na pagnanais sa kalooban ng tao na gustong magligtas sa mundo, na maging isang superhero? May mga lumilipad na hero sa maraming pelikula at palabas sa TV na palipad-lipad at palipat-lipat sa mga bubungan, at talagang hanga ang mga tao sa kanila. Ganoon naitanim ang mga bagay na ito sa isipan ng mga kabataan. At paano sila nalalason nang ganito? May kaugnayan ito sa mga kagustuhan at hangarin ng mga tao. Bawat tao ay gustong maging hero, maging isang superman, magkaroon ng mga espesyal na kapangyarihan, kaya sinasamba nila si Satanas. Sabihin ninyo sa Akin, gusto ba ng mga normal na tao ang mga kakatwang bagay na ito? May angkin bang ganitong mga espesyal na kapangyarihan ang mga normal na tao? Tiyak na wala. Hindi kaya gawa-gawa at kathang-isip ng mga tao ang lahat ng bagay na ito? Kung talagang may ganitong mga kakaibang bagay, hindi kaya sinasapian ng masasamang espiritu ang mga taong mayroon ng mga ito? Mayroon bang parkour noong panahon nina Adan at Eba? Mayroon bang nasusulat sa Bibliya tungkol sa parkour? (Wala.) Ang parkour ay produkto ng buktot at modernong lipunan; isa ito sa mga paraan na inililigaw at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Sinasamantala ni Satanas ang pagkahilig ng mga kabataan sa kakaiba at kapana-panabik, at lumilikha, kumakatha, at isinasadula ang ilang kuwento. Sa ganitong paraan nito inililigaw ang mga walang pagkilatis na teenager na ito, inaakay sila na hangarin ang mga kakaiba at kapana-panabik na espesyal na kapangyarihan ni Satanas. Hindi ba’t nilalason nito ang mga tao? Ang mga bagay na ito ay nagiging lason sa sandaling pumasok ang mga ito sa isipan ng mga tao. At kung hindi mo makikilala ang lason na ito, hindi mo ito ganap na maiwawaksi, at hindi mo kailanman maiaalis ang impluwensiya, panggugulo, at pagkontrol nito. Madali bang alisin ang lason na ito? (Hindi madali.) Paano malulutas ang problemang ito? Ayaw ng ilang tao na talikuran ang mga bagay na ito. Akala nila ay maganda at hindi lason ang mga bagay na ito, at hindi nila mapakawalan ang mga ito kapag nag-iisip sila nang ganito. Samakatwid, para hindi ka mahulog sa mga tukso ni Satanas, kailangan mong gawin ang iyong makakaya para maiwasan ang bagay na maaaring makasira sa puso mo at lumason sa iyo habang mababa pa ang tayog mo, dahil wala kang pagkilatis, at hangal ka pa rin at puno ng mapusok na kahambugan ng kabataan. Hindi mo pa nasangkapan ang iyong sarili ng sapat na mga positibong bagay, at wala kang taglay na anumang katotohanang realidad. Sa pagsasalita ng mga salita ng pananalig, wala kang buhay at tayog. Ang tanging mayroon ka ay kaunting kahandaan, isang kagustuhang manampalataya sa Diyos. Iniisip mo na ang pananampalataya sa Diyos ay mabuti, na ito ang tamang landas na dapat tahakin at ang paraan para maging isang mabuting tao, subalit nagninilay-nilay ka: “Hindi ako masamang tao na kabilang sa mga walang pananampalataya, gusto ko ng parkour pero wala akong nagawang mali, mabuting tao pa rin ako.” Naaayon ba ito sa katotohanan? Palagay mo ba wala kang tiwaling disposisyon dahil lamang sa wala ka pang nagawang mali? Namumuhay ka sa gitna ng masasamang kalakaran, sapat na iyon para ipakita na ang puso mo ay puno ng masasamang bagay.
Sabihin mo sa Akin, naiimpluwensiyahan bang masyado ang isang tao ng kanyang kapaligiran? Ginagawa mo ang iyong tungkulin sa iglesia ngayon, iyon ang kapaligirang kinaroroonan mo; kasama mo ang iyong mga kapatid araw-araw at napapaligiran ka ng mga taong nananampalataya sa Diyos, at matatag ka rin sa iyong pananampalataya sa Diyos. Kung isasama ka sa mga walang pananampalataya, kung patitirahin ka kasama nila, nasa puso mo pa rin kaya ang Diyos? Kung makikipag-ugnayan ka sa kanila o mamumuhay nang kasama sila, hindi mo ba susundin ang mga kalakaran gaya ng ginagawa nila? Sinasabi ng ilan, “Ayos lang, binabantayan at pinoprotektahan ako ng Diyos, kaya hinding-hindi ako tatahak sa landas na iyon.” Maglalakas-loob ka bang ipangako iyon? Basta’t mahal at hangad mo ang mga bagay na ito, may kakayahan kang kusang sumunod sa mga kalakaran. Kahit malaman mo sa puso mo na mali iyon, kaswal mo lamang sasabihin sa sarili mo, “Patawarin Mo ako, O Diyos, nagkamali ako.” Sa paglipas ng panahon, hindi ka na makokonsensiya o anupaman, at magninilay-nilay ka: “Nasaan na ba ang Diyos? Bakit hindi ko pa Siya nakikita?” Palagi kang magdududa sa Diyos, at maglalaho ang dati mong pananalig, nang paunti-unti. Sa oras na lubusan nang itinatatwa ng puso mo ang Diyos, hindi mo na nanaising sundin Siya o gawin ang anumang bagay na may kinalaman sa iyong tungkulin, at pagsisisihan mo pa na pinili mo sa simula pa lang na gampanan ang isang tungkulin. Bakit kaya napakadaling magbago ng mga tao? Ang totoo, hindi dahil sa nagbago ka—sa simula pa lang, iyon ay dahil sa hindi ka kailanman nagkaroon ng katotohanang realidad. Bagama’t, kung titingnan, nananampalataya ka sa Diyos at ginagawa mo ang iyong tungkulin, ang makamundo at satanikong mga kaisipan, pananaw, pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa mga tao, at tiwaling disposisyon sa loob mo ay hindi pa kailanman naaalis, at puno ka pa rin ng mga satanikong bagay. Namumuhay ka pa rin ayon sa mga bagay na iyon, kaya mababa pa rin ang tayog mo. Nasa panganib ka pa rin; hindi ka pa matiwasay o ligtas. Hangga’t mayroon kang satanikong disposisyon, patuloy mong lalabanan at ipagkakanulo ang Diyos. Para malutas ang problemang ito, kailangan mo munang maunawaan kung aling mga bagay ang masama at kay Satanas, paano nakapipinsala ang mga ito, bakit ginagawa ni Satanas ang mga bagay na ito, anong uri ng mga lason ang pinagdurusahan ng mga tao kapag tinatanggap nila ang mga ito, at ano ang kahahantungan ng mga taong iyon, gayundin kung anong uri ng tao ang hinihingi ng Diyos na maging ang mga tao, anong mga bagay ang may normal na pagkatao, anong mga bagay ang positibo, at anong mga bagay ang negatibo. Magkakaroon ka lamang ng landas kung mayroon kang pagkakilatis at malinaw mong nakikita ang mga bagay na ito. Bukod dito, sa positibong aspekto, kailangan mo ring maagap na gampanan ang iyong tungkulin habang iniaalay ang iyong sinseridad at debosyon. Huwag maging tuso o tamad, huwag harapin ang iyong tungkulin o ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos mula sa perspektiba ng mga walang pananampalataya o gamit ang mga pilosopiya ni Satanas. Kailangan mong kumain at uminom ng marami pang salita ng Diyos, hangaring maunawaan ang lahat ng aspekto ng katotohanan, at malinaw na maunawaan ang kabuluhan ng paggampan ng tungkulin, at pagkatapos ay magsagawa at pumasok sa lahat ng aspekto ng katotohanan habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at unti-unting makilala ang Diyos, ang Kanyang gawain, at ang Kanyang disposisyon. Sa ganitong paraan, nang hindi mo namamalayan, magbabago ang iyong panloob na kalagayan, magkakaroon ng mas maraming positibong bagay sa loob mo, at mas kaunting negatibong bagay, at ang abilidad mong makilatis ang mga bagay-bagay ay magiging mas mahusay kaysa dati. Kapag umabot sa ganito ang iyong tayog, magkakaroon ka ng pagkakilatis sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay sa mundong ito, at makikilatis mo ang diwa ng mga problema. Kung makakapanood ka ng pelikula ng mundong walang pananampalataya, matutukoy mo kung anong mga lason ang maaaring maranasan ng mga tao pagkatapos mo itong panoorin, gayundin kung ano ang nilalayong ikintal at itanim ni Satanas sa isipan ng mga tao sa pamamagitan ng mga kaparaanan at kalakarang ito, at kung ano ang nilalayon nitong bagbagin sa mga tao. Unti-unti mong makikilatis ang mga bagay na ito. Hindi ka na malalason pagkatapos mong panoorin ang pelikula, at magkakaroon ka ng pagkakilatis tungkol dito—saka ka tunay na magkakaroon ng tayog.
Pagkatapos manood ng ilang pelikulang tungkol sa superhero at pantasya, naapektuhan ng isang pagnanais ang ilang kabataan—inaasam nila na magkaroon sila ng mga pambihirang abilidad katulad ng mga pangunahing tauhan. Hindi ba’t nalalason sila nang ganito? Mapapahamak ka ba ng lasong iyon kung hindi mo pinanood ang mga pelikulang iyon? Hindi. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ito ay na namumuhay ka sa isang masamang lipunan, kaya kapag maliit ang tayog mo at wala kang pagkakilala, maaari kang pangibabawan ng mga bagay na nabibilang sa masasamang kalakaran dahil una mong naranasan ang mga ito, at tatratuhin mo ang mga ito bilang mga positibong bagay, at bilang mga normal at wastong bagay. Isang paraan ito ng paglalason ni Satanas sa mga tao. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t masama si Satanas? Napakaraming paraan si Satanas para gawing tiwali ang mga tao! Masasabi na ang sinumang nakapanood ng ganitong mga uri ng pelikula ay may ganitong klase ng pagnanais. May isang batang nakapanood ng isang pelikulang tungkol sa pantasya at tumakbo-takbo siya sa kanyang bakuran sakay ng isang walis-tingting tuwing may bakanteng oras siya. Noong una, hindi siya makalipad gaano man niya subukan, at pagkatapos, isang araw ay talagang nagsimula siyang lumipad. Hindi siya nakalipad nang mag-isa, may ibang puwersa sa labas ang nagpalipad sa kanya. Matapos siyang magsimulang lumipad, hindi niya napigilang sumigaw nang kakaiba tulad ng tauhan sa pelikula; pumasok sa kanya ang isang uri ng espiritu. Bahagi ba ng normal na buhay ng tao ang pagsakay sa walis-tingting? Maaari kang sumakay sa kabayo o asno, bakit mo kailangang sumakay sa isang walis-tingting at lumipad? Posible ba ang bagay na ito? Masasabi mo kaagad na hindi ito isang bagay na ginagawa ng mga normal na tao. Hindi nakakalipad ang mga walis-tingting, nakakalipad lamang ang mga ito sa tulong ng masasamang espiritu, kaya ito ay gawain ni Satanas at ng masasamang espiritu. Si Satanas at ang masasamang espiritu ay gumagawa ng mga kataka-taka, kakaiba, at katawa-tawang bagay na hindi ginagawa ng mga normal na tao. Mayroon ba kayong kaunting pagkakilala sa mga bagay na ginagawa ni Satanas? Anong uri ng saloobin ang dapat ninyong taglayin ukol sa gayong mga bagay? Hindi ba’t dapat ninyong tanggihan ang mga iyon? Dapat ninyong pagnilayan ang inyong sarili kapag may oras kayo, na sinisiyasat kung anong mga kakaibang bagay ang nananatili sa inyong isipan. Bakit maraming kakaibang bagay sa inyong isipan? Dahil masyado nang nalason ang mga tao sa inyong henerasyon—nais ninyong lahat na magpalipat-lipat sa mga bubungan, na maging si Spider-Man o Batman, at maging isang nakatataas na nilalang. Hindi ito ang dapat mayroon o taglay ng mga taong may normal na pagkatao. Kung ipipilit mong hangarin ang mga bagay na hindi kailangan ng mga may normal na pagkatao, at kung patuloy mong susubukang maranasan ang mga iyon, maaaring maakit mo ang gawain ng masasamang espiritu. Nagkakaproblema ang mga tao kapag sinapian sila ng masasamang espiritu, binibihag sila ni Satanas, at sa gayon ay nanganganib sila. Paano malulutas ang problemang ito? Dapat ay regular na tumawag ang mga tao sa Diyos. Hindi sila dapat bumigay sa tukso o mailigaw ni Satanas. Sa kapanahunang ito ng kasamaan kung saan nagkulumpunan at laganap ang mga demonyo at maruruming espiritu, kung kaya mong manalangin na palaging mapasaiyo ang biyaya at proteksyon ng Diyos, at hilingin sa Kanya na bantayan at protektahan ka, nang sa gayon ay hindi mapalayo ang puso mo sa Kanya, at nagagawa mong sambahin ang Diyos nang may pagkamatapat at buong puso, hindi ba’t ito ang tamang landas? (Ito nga.) At handa ba kayong tahakin ang landas na ito? Handa ba kayong mamuhay palagi sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at sa ilalim ng Kanyang disiplina, o nais ninyong mamuhay sa sarili ninyong malayang mundo? Kung dinidisiplina kayo ng Diyos, maaaring kung minsan ay magdurusa kayo nang kaunti sa pisikal. Handa ba kayong pagdaanan iyon? (Oo.) Sinasabi ninyo na handa kayong gawin iyon ngayon, ngunit baka magsimula kayong magreklamo kapag naharap kayo sa realidad niyon. Hindi sapat na maging handang magdusa, kailangan ay mayroon ka ring determinasyon na pagsikapan ang katotohanan. Makapaninindigan ka lamang nang matatag kapag nauunawaan mo ang katotohanan. Nakakabahala na masyadong hindi matatag ang mga kabataan, na hindi nila inaasikaso ang kanilang mga angkop na tungkulin o wala silang mga marapat na bagay sa isipan nila, at na hindi sila handang magbasa ng mga salita ng Diyos o magsikap tungo sa katotohanan—mapanganib ito. Hindi natin masasabi kung ang kalalabasan ba nila ay buhay o kamatayan. May ilang kabataan ngayon na nakarinig ng mga sermon sa loob ng ilang taon; nagsimula na silang magkainteres sa katotohanan, at handa silang magtala kapag nakikinig sa mga sermon. Nakakaramdam sila ng parang gutom at uhaw sa katuwiran, at nagagawa nilang maunawaan ang katotohanan. Ang ibig sabihin nito ay na mayroon na silang pundasyon, at hangga’t nag-uugat ang katotohanan sa puso nila, magiging mas matatag sila. Kung patuloy silang magsisikap tungo sa katotohanan, magagarantiya nito na magagawa nilang maunawaan ang katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at magkamit ng kaligtasan.
Alam ba ninyo kung ano ang pinakadakilang karunungan? Batay sa inyong kasalukuyang tayog, alam ba ninyo kung ano ang dapat ninyong pagtuunan sa inyong pananalig, at ano ang pinakadakilang karunungan pagdating sa kung paano kayo dapat maghangad at magsagawa? Ang ilang tao ay mukhang walang gaanong kasanayan, at palagi silang tahimik at walang imik. Hindi sila gaanong nagsasalita, ngunit mayroon silang dakilang karunungan sa kanilang puso na wala ang iba. Hindi ito nakikita ng karamihan sa mga tao, at makita man nila ito, hindi nila iisipin na karunungan ito. Iisipin nila na hindi ito kailangan at wala itong halaga. Naiisip ba ninyo kung ano itong pinakamalaking karunungan nila? (Ang pagkakaroon ng pusong laging tahimik sa harap ng Diyos, laging nagdarasal sa Diyos, at laging lumalapit sa Kanya.) Medyo natumbok mo ang tamang sagot. Ano ang layon ng paglapit sa Diyos? (Para hanapin ang mga layunin ng Diyos.) Ano ang punto ng paghahanap sa mga layunin ng Diyos? Para ba umasa sa Kanya? (Oo.) Ang punto ay para umasa sa Diyos. Kung aasa ka sa Diyos sa lahat ng bagay, liliwanagan, aakayin, at gagabayan ka ng Diyos. Hindi mo na kailangang mangapa sa dilim tulad ng isang bulag, at simple kang makakakilos ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ba’t higit na mas madali iyon? Hindi mo na kailangang magkumahog, maaari mo na lamang gawin ang itinuturo ng Diyos. Madali at mabilis ito, at hindi mo kinakailangang pagurin ang sarili mo sa pagtahak sa mga pasikot-sikot na landas. Sinambit ng Diyos ang Kanyang mga salita nang napakalinaw, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pagpapasya kung paano ka dapat kumilos. Hindi ba’t ito ay karunungan? Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Ang pinakadakilang karunungan ay ang bumaling at umasa sa Diyos sa lahat ng bagay. Hindi ito kinikilala ng mga ordinaryong tao. Iniisip ng lahat ng tao na sa pagdalo sa mas maraming pagtitipon, pakikinig sa mas maraming sermon, higit pang pakikipagbahaginan sa kanilang mga kapatid, pagtalikod sa mas maraming bagay, higit pang pagdurusa, at higit na pagbabayad ng halaga, matatamo nila ang pagsang-ayon at pagliligtas ng Diyos. Iniisip nila na ang pagsasagawa sa ganitong paraan ang pinakadakilang karunungan, ngunit kinaliligtaan nila ang pinakamalaking bagay: pagbaling sa Diyos at pag-asa sa Diyos. Itinuturing nilang karunungan ang munting katalinuhan ng tao, at hindi pinapansin ang kahahantungang epekto na dapat makamit ng kanilang mga kilos. Isang pagkakamali ito. Gaano man kalaking katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, gaano man karami ang mga tungkuling kanyang nagampanan, gaano man karami ang dinanas ng isang tao habang ginagampanan ang mga tungkuling iyon, gaano man kataas o kababa ang tayog ng isang tao, o ano man ang uri ng kapaligiran ang kanyang kinapapalooban, ang isang hindi dapat mawala sa kanya ay ang bumaling sa Diyos at umasa sa Diyos sa lahat ng kanyang gagawin. Ito ang pinakadakilang uri ng karunungan. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakilang karunungan? Kahit pa naunawaan ng isang tao ang ilang katotohanan, sapat na ba ito kung hindi siya aasa sa Diyos? May ilang tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, at nakaranas na sila ng ilang pagsubok, nagkaroon na ng ilang praktikal na karanasan, naunawaan na ang ilang katotohanan, at nagkaroon na ng ilang praktikal na kaalaman tungkol sa katotohanan, ngunit hindi nila alam kung paano umasa sa Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano bumaling sa Diyos at umasa sa Kanya. Nagtataglay ba ng karunungan ang ganoong mga tao? Sila ang pinakahangal sa lahat ng tao, at ang uri na ang palagay sa sarili ay napakatalino nila; hindi sila natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang maraming katotohanan at nagtataglay ako ng mga katotohanang realidad. Ayos lamang na gawin ang mga bagay sa isang paraang may prinsipyo. Tapat ako sa Diyos, at alam ko kung paano maging malapit sa Diyos. Hindi pa ba sapat na isinasagawa ko ang katotohanan kapag may mga bagay na nangyayari sa akin? Hindi na kailangang magdasal sa Diyos o bumaling sa Diyos.” Tama ang pagsasagawa ng katotohanan, ngunit maraming pagkakataon at sitwasyon kung saan hindi alam ng mga tao kung anong katotohanan at anong mga katotohanang prinsipyo ang nauugnay. Pinahahalagahan ito ng lahat ng may praktikal na karanasan. Halimbawa, kapag may nakakaharap kang ilang isyu, maaaring hindi mo alam kung anong katotohanan ang may kinalaman sa isyu na ito, o kung paano dapat isagawa o gamitin ang katotohanang may kinalaman sa isyu na ito. Ano ang dapat mong gawin sa mga pagkakataong tulad nito? Gaano man karami ang taglay mong praktikal na karanasan, hindi mo makakayang unawain ang mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng sitwasyon. Gaano ka man katagal nang nananampalataya sa Diyos, gaano man karaming bagay ang naranasan mo, at gaano man karaming pagpupungos, o pagdidisiplina ang naranasan mo, kahit nauunawaan mo ang katotohanan, nangangahas ka bang magsabi na ikaw ang katotohanan? Nangangahas ka bang magsabi na ikaw ang pinagmumulan ng katotohanan? Sinasabi ng ilang tao: “Alam na alam ko ang mga kilalang pagbigkas at siping iyon sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi ko na kailangang umasa sa Diyos o bumaling sa Kanya. Pagdating ng panahon, magiging maayos ako sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa mga salitang ito ng Diyos.” Hindi nagbabago ang mga salitang isinaulo mo, ngunit ang mga kapaligirang nakakatagpo mo—gayundin ang iyong mga kalagayan—ay pabago-bago. Nagagawa mong magbulalas ng mga salita at mga doktrina, ngunit wala kang magawa gamit ang mga iyon kapag may nangyayari sa iyo, na nagpapatunay na hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Gaano ka man kahusay sa pagbigkas ng mga salita at mga doktrina, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan mo ang katotohanan, at lalong hindi ito nangangahulugan na naisasagawa mo ang katotohanan. Kaya’t may napakahalagang aral na matututuhan dito. At ano ang aral na ito? Iyon ay ang pangangailangan ng mga tao na bumaling sa Diyos sa lahat ng bagay, at sa pagsasagawa nito, makakamtan nila ang pagsandal sa Diyos. Sa pag-asa lamang sa Diyos sila magkakaroon ng landas na susundan at ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung hindi magkagayon, may bagay kang magagawa nang tama at nang hindi nilalabag ang katotohanan, ngunit kung hindi ka aasa sa Diyos, ang mga pagkilos mo ay mabubuting pag-uugali lamang ng tao, at hindi makapagpapalugod sa Diyos. Sapagkat may ganoong kababaw na pagkaarok sa katotohanan ang mga tao, malamang na ilapat nila ang mga patakaran at pilit na mangunyapit sa mga salita at mga doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng gayunding katotohanan kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon. Posible na makumpleto nila ang maraming bagay bilang pangkalahatang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit hindi makikita rito ang gabay ng Diyos, o ang gawain ng Banal na Espiritu. May malubhang problema rito, iyan ay ang mga tao na nagsasagawa ng maraming bagay na umaasa sa kanilang karanasan at sa mga patakarang naunawaan nila, at sa ilang imahinasyon ng tao. Mahirap makamtan ang tunay na panalangin sa Diyos at tunay na bumaling sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng ginagawa nila. Kahit nauunawaan ng isang tao ang mga layunin ng Diyos, mahirap makamtan ang epekto ng pagkilos ayon sa paggabay ng Diyos, at ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Dahil dito, sinasabi Ko na ang pinakadakilang karunungan ay ang bumaling sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.
Paano makakapagsagawa ang mga tao na bumaling sa Diyos at umasa sa Diyos sa lahat ng bagay? Sinasabi ng ilang tao, “Bata pa ako, mababa ang tayog ko, at maikling panahon pa lang akong nananampalataya sa Diyos. Hindi ko alam kung paano bumaling at umasa sa Diyos kapag may nangyayari.” Problema ba ito? Maraming paghihirap sa pananampalataya sa Diyos, at kailangan mong dumaan sa maraming kapighatian, pagsubok, at pasakit. Lahat ng bagay na ito ay nangangailangan ng pagbaling at pag-asa sa Diyos para malampasan ang mahihirap na sandali. Kung hindi ka makakapagsagawa na bumaling at umasa sa Diyos, hindi mo malalampasan ang mga paghihirap, at hindi mo masusundan ang Diyos. Ang pagbaling at pag-asa sa Diyos ay hindi isang walang kabuluhang doktrina, ni hindi ito isang mantra para sa pananampalataya sa Diyos. Sa halip, ito ay isang mahalagang katotohanan, isang katotohanang dapat mong taglayin para manampalataya at sumunod sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ang pagbaling at pag-asa sa Diyos ay naaangkop lamang kapag may nangyayaring isang malaking kaganapan. Halimbawa, kailangan mo lamang bumaling at umasa sa Diyos kapag nahaharap ka sa mga kapighatian, pagsubok, pagkaaresto, at pag-uusig, o kapag nakakaranas ka ng mga paghihirap sa iyong mga tungkulin, o kapag pinupungusan ka. Hindi na kailangang bumaling at umasa sa Diyos para sa maliliit na bagay ng personal na buhay, dahil walang pakialam ang Diyos sa mga iyon.” Tama ba ang pahayag na ito? Talagang hindi ito tama. May paglihis dito. Kailangang bumaling sa Diyos sa mahahalagang bagay, ngunit makakaya mo ba ang munting mga bagay at maliliit na usapin sa buhay nang walang mga prinsipyo? Sa mga bagay na tulad ng pagbibihis at pagkain, makakakilos ka ba nang walang mga prinsipyo? Siguradong hindi. Paano naman sa mga pakikitungo mo sa mga tao at bagay-bagay? Siguradong hindi. Maging sa pang-araw-araw na buhay at maliliit na bagay, dapat kang magkaroon man lamang ng mga prinsipyo para maisabuhay ang wangis ng tao. Ang mga problemang kinapapalooban ng mga prinsipyo ay mga problemang kinapapalooban ng katotohanan. Maaari bang malutas ng mga tao ang mga ito nang mag-isa? Siyempre, hindi. Kaya, kailangan mong bumaling at umasa sa Diyos. Kapag nakamit mo ang kaliwanagan ng Diyos at naunawaan ang katotohanan, saka lamang malulutas ang maliliit na problemang ito. Kung hindi kayo babaling at aasa sa Diyos, palagay ba ninyo ay malulutas ang mga isyung ito na kinapapalooban ng mga prinsipyo? Siguradong hindi madali. Masasabi na sa lahat ng bagay na hindi malinaw na nakikita ng mga tao at na kinakailangan ng mga tao na hanapin ang katotohanan, dapat silang bumaling at umasa sa Diyos. Gaano man kalaki o kaliit, anumang problemang kailangang lutasin gamit ang katotohanan ay nangangailangan ng pagbaling at pag-asa sa Diyos. Ito ay kinakailangan. Kahit pa nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at kayang lutasin ang mga problema nang mag-isa, ang mga pagkaunawa at solusyong ito ay limitado at mababaw. Kung hindi babaling at aasa sa Diyos ang mga tao, hindi maaaring maging napakalalim ng kanilang pagpasok. Halimbawa, kung may sakit ka ngayon, at nakakaapekto ito sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kailangan mong ipagdasal ang bagay na ito at sabihing, “O Diyos, hindi maganda ang pakiramdam ko ngayon, hindi ako makakain, at nakakaapekto ito sa paggampan ko sa aking tungkulin. Kailangan kong suriin ang aking sarili. Ano ba ang tunay na dahilan ng pagkakasakit ko? Dinidisiplina ba ako ng Diyos sa hindi ko pagiging deboto sa aking tungkulin? Diyos ko, hinihiling kong bigyang-liwanag at gabayan Mo ako.” Dapat kang magsumamo nang ganito. Ito ay pagbaling sa Diyos. Gayunman, kapag bumaling ka sa Diyos, hindi puwedeng basta ka lamang susunod sa mga pormalidad at patakaran. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema, maaantala mo ang mga bagay-bagay. Matapos kang manalangin at bumaling sa Diyos, dapat mo pa ring ipamuhay ang iyong buhay nang nararapat, nang hindi inaantala ang tungkulin na dapat mong gampanan. Kung may sakit ka, dapat kang magpatingin sa doktor, at ito ay nararapat. Kasabay nito, dapat kang manalangin, magnilay sa iyong sarili, at hanapin ang katotohanan para malutas ang problema. Ang pagsasagawang tulad nito lamang ang ganap na angkop. Para sa ilang bagay, kung alam ng mga tao kung paano gawin nang maayos ang mga iyon, dapat nilang gawin ang mga iyon. Ganito dapat makipagtulungan ang mga tao. Gayunman, kung lubos mang makakamtan ang ninanais na epekto at layon sa mga bagay na ito ay depende sa pagbaling at pag-asa sa Diyos. Sa mga problemang hindi nakikita nang malinaw ng mga tao at hindi nila nahaharap nang maayos nang mag-isa, lalo silang dapat bumaling sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga iyon. Ang kakayahang gawin ito ang dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Maraming aral na matututunan sa pagbaling sa Diyos. Sa proseso ng pagbaling sa Diyos, maaari kang tumanggap ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng isang landas, o kung dumating sa iyo ang salita ng Diyos, malalaman mo kung paano makipagtulungan, o marahil ay magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para matuto ka ng mga aral, na mayroong magagandang layunin ng Diyos. Sa proseso ng pagbaling sa Diyos, makikita mo ang gabay at pamumuno ng Diyos, at makakatulong ang mga ito para matuto ka ng maraming aral at magkamit ng higit na pagkakilala sa Diyos. Ito ang epektong nakakamtan sa pagbaling sa Diyos. Samakatwid, ang pagbaling sa Diyos ay isang aral na dapat matutunan nang madalas ng mga taong sumusunod sa Diyos, at ito ay isang bagay na hinding-hindi nila matatapos na maranasan sa habambuhay. Maraming taong napakababaw ng karanasan at hindi nakikita ang mga kilos ng Diyos, kaya iniisip nila, “Maraming maliliit na bagay na nagagawa kong mag-isa at kung saan hindi ko kailangang bumaling sa Diyos.” Mali ito. Ang ilang maliliit na bagay ay humahantong sa malalaking bagay, at nakatago ang mga layunin ng Diyos sa ilang maliliit na bagay. Maraming tao ang binabalewala ang maliliit na bagay, at dahil dito, nagkakaroon sila ng malalaking dagok dahil sa maliliit na bagay. Ang mga tunay na mayroong may-takot-sa-Diyos na puso, kapwa sa malalaki at maliliit na bagay, ay babaling sa Diyos, mananalangin sa Diyos, ipagkakatiwala ang lahat sa Diyos, at pagkatapos ay titingnan kung paano sila aakayin at gagabayan ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng gayong karanasan, magagawa mong bumaling sa Diyos sa lahat ng bagay, at habang lalo mong nararanasan ito, lalo mong madarama na ang pagbaling sa Diyos sa lahat ng bagay ay napakapraktikal. Kapag bumaling ka sa Diyos sa isang bagay, posibleng hindi ka bigyan ng Diyos ng isang damdamin, malinaw na kahulugan, o lalo na ng malilinaw na tagubilin, ngunit ipapaunawa Niya sa iyo ang isang ideya, na may eksaktong kaugnayan sa bagay na ito, at ito ang paggabay ng Diyos sa iyo gamit ang ibang pamamaraan at pagbibigay sa iyo ng isang landas. Kung naaarok at nauunawaan mo ito, makikinabang ka. Maaaring hindi mo nauunawaan ang anumang bagay sa sandaling ito, ngunit dapat kang patuloy na manalangin at bumaling sa Diyos. Walang mali rito, at sa malao’t madali ay mabibigyang-liwanag ka. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay hindi nangangahulugan ng pagsunod sa mga patakaran. Sa halip, ito ay pagtugon sa mga pangangailangan ng espiritu, at ganito dapat magsagawa ang mga tao. Maaaring hindi ka makatanggap ng kaliwanagan at paggabay tuwing mananalangin ka at babaling ka sa Diyos, ngunit dapat magsagawa ang mga tao sa ganitong paraan, at kung nais nilang maunawaan ang katotohanan, kailangan nilang magsagawa sa ganitong paraan. Ito ang normal na kalagayan ng buhay at espiritu, at sa ganitong paraan lamang maaaring mapanatili ng mga tao ang normal na relasyon sa Diyos, upang ang kanilang mga puso ay hindi maging malayo sa Diyos. Samakatwid ay maaaring masabi na ang pagbaling sa Diyos ay normal na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa puso ng mga tao. Makatanggap ka man o hindi ng kaliwanagan at paggabay ng Diyos, dapat kang manalangin at bumaling sa Diyos sa lahat ng bagay. Ito rin ang kinakailangang landas sa pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag nananampalataya at sumusunod sa Diyos ang mga tao, dapat silang magkaroon ng lagay ng pag-iisip na laging bumabaling sa Diyos. Ito ang lagay ng pag-iisip na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Paminsan-minsan, ang pagbaling sa Diyos ay hindi nangangahulugan ng paggamit ng mga partikular na salita para hilingin sa Diyos na gumawa ng isang bagay o magbigay ng pamumuno, o hilingin ang proteksiyon Niya. Sa halip, ito ay yaong kapag nakakatagpo ang mga tao ng ilang usapin, nagagawa nilang tumawag sa Kanya nang taimtim. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos kapag tumatawag ang mga tao sa Kanya? Kapag ang puso ng isang tao ay napupukaw at naiisip niya ito: “O Diyos, hindi ko ito magagawang mag-isa, hindi ko alam kung paano ito gagawin, at ako ay nanghihina at negatibo…,” kapag lumilitaw ang kaisipang ito sa loob nila, hindi ba’t alam ito ng Diyos? Kapag lumilitaw ang kaisipang ito sa loob ng mga tao, hindi ba’t taos ang puso nila? Kapag sila ay taimtim na tumatawag sa Diyos sa ganitong paraan, pumapayag ba ang Diyos na tulungan sila? Sa kabila ng katunayan na maaaring hindi sila nakapagsabi kahit isang salita, nagpapakita sila ng kataimtiman, at kaya sumasang-ayon ang Diyos na tulungan sila. Kapag ang isang tao ay nakakasagupa ng isang napakamasalimuot na paghihirap, kapag wala silang sinumang malalapitan, at kapag nadarama nila ang lalong kawalan ng tulong, nagtitiwala sila sa Diyos bilang kanilang tanging pag-asa. Paano sila nananalangin? Ano ang kalagayan ng kanilang pag-iisip? Sila ba ay taimtim? Mayroon bang anumang adulterasyon sa panahong iyon? Tanging kapag nagtitiwala ka sa Diyos na parang Siya ang huling hibla na makakapitan mo, umaasang tutulungan ka Niya, na taimtim ang iyong puso. Bagama’t maaaring hindi ka gaanong nagsasalita, ang iyong puso ay napupukaw na. Ibig sabihin, ibinibigay mo ang iyong taimtim na puso sa Diyos, at ang Diyos ay nakikinig. Kapag nakikinig ang Diyos, nakikita Niya ang iyong mga paghihirap, at liliwanagan ka Niya, gagabayan ka, at tutulungan ka. Kailan nagiging lubos na taimtim ang puso ng tao? Pinakataimtim ito kapag bumabaling sa Diyos ang tao kapag walang daan na malalabasan. Ang pinakamahalagang bagay na dapat taglayin sa pagbaling sa Diyos ay isang pusong taimtim. Dapat ay nasa kalagayan ka na tunay mong kailangan ang Diyos. Ibig sabihin, dapat maging taimtim man lamang ang puso ng mga tao, hindi pabasta-basta; hindi dapat bibig lamang nila ang pinagagana nila at hindi ang kanilang puso. Kung pabasta-basta mo lang ginagawa ang pakikipag-usap sa Diyos, ngunit hindi naaantig ang puso mo, at ang ibig mong sabihin ay, “Nakagawa na ako ng sarili kong mga plano, O Diyos, at ipinaaalam ko lamang iyon sa Iyo. Gagawin ko ang mga iyon pumayag Ka man o hindi. Iniraraos ko lamang iyon,” kung gayon ay problema ito. Nililinlang at pinaglalaruan mo ang Diyos, at isa rin itong pagpapahayag ng kawalan ng pagpipitagan sa Diyos. Paano ka tatratuhin ng Diyos pagkatapos nito? Babalewalain ka ng Diyos at isasantabi ka, at ganap kang mapapahiya. Kung hindi mo aktibong hahanapin ang Diyos at hindi ka magsusumikap sa katotohanan, ititiwalag ka.
Karamihan sa mga taong nananampalataya sa Diyos ay nasa ganitong kalagayan. Kadalasan, namumuhay sila sa isang kondisyong hindi nag-iisip at walang malay, at kapag walang nangyayaring kakaiba, kapag hindi sila gaanong nahihirapan, hindi sila marunong manalangin sa Diyos o umasa sa Kanya; hindi nila hinahanap ang katotohanan sa harap ng mga pangkaraniwang problema, bagkus ay namumuhay sila sa sarili nilang kaalaman, mga doktrina, at kalooban. Alam na alam nila na ang tamang gawin ay umasa sa Diyos, ngunit kadalasan ay umaasa sila sa kanilang sarili at sa mga kapaki-pakinabang na mga kalagayan at mga kapaligiran sa palibot nila, gayundin sa alinmang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa paligid nila na para sa kapakinabangan nila. Dito pinakamagaling ang mga tao. Pinakamahina sila sa pag-asa sa Diyos at pagbaling sa Kanya, sapagkat pakiramdam nila ay napakalaking abala ang bumaling sa Diyos, na gaano man sila manalangin sa Diyos, wala pa rin silang matatanggap na kaliwanagan, pagtanglaw, o agarang sagot; kaya iniisip nila na ililigtas nila ang kanilang sarili sa problema at humayo at humanap ng isang tao upang ayusin ang problema. Kung kaya, sa ganitong aspekto ng mga leksiyon nila, pinakamalala ang paggampan ng mga tao, at pinakamababaw ang pagpasok nila rito. Kung hindi mo matututuhan kung paano bumaling at umasa sa Diyos, hindi mo kailanman makikitang gumawa ang Diyos sa iyo, gumabay sa iyo, o magbigay-liwanag sa iyo. Kung hindi mo nakikita ang mga bagay na ito, ang mga katanungang tulad ng “kung umiiral man ang Diyos at kung ginagabayan man Niya ang lahat-lahat sa buhay ng sangkatauhan” ay magtatapos, sa kaibuturan ng puso mo, sa isang tandang pananong sa halip na isang tuldok o isang tandang padamdam. “Ginagabayan ba ng Diyos ang lahat-lahat sa buhay ng sangkatauhan?” “Sinisiyasat ba ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng tao?” Kung ganoon ka mag-isip, magkakaproblema ka. Para sa anong dahilan na ginagawa mong mga katanungan ang mga ito? Kung hindi ka tunay na umaasa o bumabaling sa Diyos, hindi mo magagawang magkaroon ng tunay na pananalig sa Kanya. Kung hindi ka magkakaroon ng tunay na pananalig sa Kanya, para sa iyo, yaong mga tandang pananong ay magiging habambuhay na naririyan, sinasamahan ang lahat-lahat ng ginagawa ng Diyos, at hindi magkakaroon ng mga tuldok. Kapag hindi kayo abala, itanong sa sarili ninyo: “‘Naniniwala ako na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay’—may kasunod bang tandang pananong, tuldok, o tandang padamdam iyan?” Kapag pinagnilayan ninyo ito, hindi ninyo tumpak na masasabi kung ano ang inyong kalagayan nang mga ilang panahon. Matapos kayong magtamo ng kaunting karanasan, malinaw ninyong makikita ang mga bagay-bagay at masasabi ninyo nang may katiyakan: “Tunay ngang ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay!!!” Susundan ito ng tatlong tandang padamdam, at ito ay dahil mayroon kayong tunay na kaalaman tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nang walang anumang mga pagdududa. Alin sa mga ito ang kalagayan ninyo? Kung titingnan ang inyong kasalukuyang mga kalagayan at tayog, malinaw na karamihan ay may mga tandang pananong, at medyo marami ang mga ito. Nagpapahiwatig ito na hindi ninyo nauunawaan ang anumang katotohanan, at na may mga pagdududa pa rin sa puso ninyo. Kapag maraming pagdududa ang mga tao tungkol sa Diyos, nasa bingit na sila ng panganib. Maaari silang mahulog at ipagkanulo ang Diyos anumang oras. At bakit Ko sinasabi na maliit ang tayog ng mga tao? Ano ang batayan ng pagtukoy sa sukat ng tayog ng isang tao? Natutukoy ito ayon sa kung gaano kalalim ang tunay na pananalig mo sa Diyos at kung gaano kalalim ang tunay na pagkakilala mo sa Kanya. At gaano ba kalalim ang taglay ninyo? Nasuri na ba ninyo ang mga bagay na ito dati? Maraming kabataan ang natutong manampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga magulang. Natutuhan nila ang ilang doktrina tungkol sa pananampalataya sa Diyos mula sa kanilang mga magulang, at iniisip nila na ang pananampalataya sa Diyos ay isang mabuting bagay, na iyon ay isang positibong bagay, ngunit kailangan pa nilang tunay na maunawaan, o maranasan at mapatunayan ang mga katotohanang dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos. Samakatwid, napakarami nilang tandang pananong at kuru-kuro. Karamihan sa mga salitang nagmumula sa kanilang bibig ay hindi mga paninindigan o salitang padamdam, mga tanong ang mga iyon. Ito ay dahil napakarami nilang kakulangan, at hindi makakilatis sa mga bagay-bagay, at hindi masasabi kung magagawa ba nilang manindigan. Normal lang para sa inyo na magkaroon ng maraming katanungan sa edad ninyong 20 at 30, ngunit matapos ninyong gampanan ang inyong tungkulin nang mga ilang panahon, ilan sa mga tandang pananong na ito ang magagawa ninyong tanggalin? Magagawa ba ninyong gawing mga tandang padamdam ang mga tandang pananong na ito? Magdedepende ito sa inyong karanasan. Mahalaga ba ito o hindi? (Mahalaga.) Napakahalaga nito! Ano ang kasasabi Ko lang na pinakadakilang karunungan? (Ang bumaling sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.) Kapag naririnig nila ito, sinasabi ng ilang tao: “Napakasimple at napakakaraniwan ng sagot na iyan. Lumang-luma nang kasabihan iyan, at walang nagsasabi niyan sa panahong ito.” Ang pagbaling sa Diyos ay maaaring parang isang simpleng paraan ng pagsasagawa, ngunit ito ay isang leksiyon na dapat pag-aralan at pasukin ng bawat tagasunod ng Diyos habang sila ay nabubuhay. Bumaling ba si Job sa Diyos noong ang edad niya ay nasa mga 70? (Oo.) At paano siya bumaling sa Diyos? Ano ang mga partikular na pagpapamalas ng pagbaling niya sa Diyos? Nang bawiin sa kanya ang kanyang mga ari-arian at mga anak, paano siya bumaling sa Diyos? Nanalangin siya nang taos-puso, at may ginawa siyang ilang bagay sa panlabas, at ano ang nakasulat sa Bibliya tungkol dito? (“Nang magkagayo’y … si Job … pinunit ang kanyang balabal, at inahitan ang kanyang ulo, at nagpatirapa sa lupa at sumamba” (Job 1:20).) Nagpatirapa siya sa lupa at sumamba. Iyon ay isang pagpapamalas ng pagbaling sa Diyos! Iyon ay labis na maka-diyos. Isang bagay ba ito na kaya ninyong gawin? (Hindi pa namin magagawa ito.) Kung gayon ay handa ba kayong gawin ito? (Oo.) Kung kayang abutin ng isang tao ang antas ni Job, katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan, at maging isang taong walang kapintasan, kung gayon, siya ay perpekto! Ngunit habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, kailangan ay mayroon kayong determinasyon na magtiis ng hirap. Kailangang patuloy kayong magsikap tungo sa katotohanan. Sa sandaling maunawaan ninyo ang katotohanan at mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matutupad na ninyo ang mga hinihingi ng Diyos. Kailangan lamang ninyong tandaan ito.
Enero 1, 2015