Ang Diwa ni Cristo ay Pagmamahal

Ang isang aspekto ng pagkilala sa diwa ni Cristo ay ang ihiwalay si Cristo sa katawang-tao mula sa tiwaling sangkatauhan, ang tratuhin ang Diyos sa katawang-tao at magpasakop sa Kanya bilang ang praktikal na Diyos. Ang isa pang aspekto ay na dapat mo ring makita ang Diyos sa katawang-tao na praktikal na gumagawa, praktikal na ipinapahayag ang katotohanan, at praktikal na namumuhay sa piling ng sangkatauhan. Dapat mong makita kung paano Niya dinadalisay at inililigtas ang sangkatauhan, kung paanong hindi Siya isang propeta, apostol, o tagapagbigay ng mga propesiya o kung paanong hindi Siya isang mahalagang tao na isinugo ng Diyos kundi Siya ang Diyos sa katawang-tao, si Cristo, at ang Diyos Mismo. Bagama’t ang katawang-taong ito ay kasapi ng sangkatauhan, Siya ay isang ordinaryong taong may banal na diwa. Ang malaman ang banal na diwang ito ng katawang-tao ay napakakritikal, ang paggamit ng mga katunayan na naoobserbahan mo para patunayan ang banal na diwa ni Cristo ang kailangan mong gawin kahit paano. Para malaman ang banal na diwa ni Cristo, kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, danasin ang Kanyang gawain, at alamin ang Kanyang disposisyon. Ang malaman ang diwa ng Diyos sa katawang-tao ay may epektong nagbibigay-kakayahan sa mga tao na matiyak na tunay ngang nagkatawang-tao ang Diyos at na ang katawang-taong ito ay tunay ngang ang Diyos. Ito lamang ang paraan para ang mga tao ay magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos at magkamit ng tunay na pagpapasakop at tunay na pagmamahal, at kapag nakamit ang epektong ito, saka mo lamang mapatutunayan na nauunawaan mo ang diwa ng Diyos.

Ngayon, walang tunay na kaalaman ang mga tao kay Cristo. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos at inaamin na ito ang katotohanan at ang pagpapahayag ng Banal na Espiritu habang ganap nilang binabalewala ang katawang-tao. Hindi nila alam kung ano ang pinagmulan ng katawang-tao o kung paano nauugnay ang katawang-tao at ang Espiritu sa isa’t isa. Maraming tao ang naniniwala na ang katawang-tao ay umiiral para magpahayag ng mga salita, na Siya ay ginagamit upang magsalita at gumawa at na ito ang Kanyang ministeryo. Naniniwala sila na ang katawang-tao ay nagpapahayag ng mga salita sa tuwing Siya ay naaantig at ang Kanyang gawain ay tapos na kapag Siya ay natapos na, na para bang isa Siyang sugo. Kung may naniniwala rito, kung gayon, ang kanilang kinikilala at pinaniniwalaan ay hindi ang Diyos sa katawang-tao o si Cristo kundi isang tao lamang na kapareho ng isang propeta. Iniisip din ng ilang tao, “Si Cristo ay isang tao, at kahit ano pa ang diwa ng Diyos sa katawang-tao o anong disposisyon ng Diyos ang Kanyang ipinahahayag, hindi Siya maaaring ganap na kumatawan sa Diyos sa langit o sa Lumikha na naghahari sa sansinukob at sa lahat ng bagay. Dahil Siya ang Diyos sa katawang-tao at ang Diyos sa langit na pumarito sa lupa, bakit wala Siyang mga himala na higit sa karaniwan? Bakit hindi Niya pinupuksa ang malaking pulang dragon kung Siya ay may awtoridad?” Ang mga nagsasabi ng ganitong mga salita ay walang espirituwal na pang-unawa. Hindi nila nauunawaan kung ano ang pagkakatawang-tao ng Diyos, lalo na ang saklaw ng pamamahala ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, kung para kanino ang Kanyang pagliligtas, kung ano ang Kanyang ipinahahayag, o kung ano ang dapat malaman ng mga tao. Ang diwa ng Diyos sa katawang-tao ay ang diwa ng Diyos, at kaya Niyang gawin ang lahat sa ngalan ng Diyos. Siya ang Diyos Mismo, at kaya Niyang gawin ang lahat ng nais Niyang gawin. Gayunman, nagkatawang-tao ang Diyos sa pagkakataong ito upang gawin ang huling yugto ng gawain sa saklaw ng Kanyang pamamahala, at wala itong kinalaman sa paghahari sa lahat ng bagay o paghahari sa mga bansa. Hindi talaga sangkot ang mga bagay na iyon. Samakatuwid, ang kailangan mong malaman ay kung ano ang makahaharap at maaaring maunawaan ng mga tao sa yugtong ito ng gawain, ang diwa ng yugtong ito ng gawain, kung ano ang mayroon si Cristo at kung ano Siya at ang pagpapahayag ng Kanyang disposisyon. Ang ipinahahayag ba ni Cristo ay ang diwa ng Diyos? Ito ba ang disposisyon ng Diyos? Siyempre ito nga. Ngunit ito na ba ang lahat? Sinasabi Ko sa inyo ngayon, hindi pa ito ang lahat. Maliit at limitadong bahagi lamang ito, kung ano lamang ang nakikita ng mga tao gamit ang kanilang mga mata, kung ano ang kanilang nararanasan, at kung ano ang naaarok ng kanilang isipan habang nasa katawang-tao ang Diyos. Hindi ito ang lahat, at ito ay gawain lamang na gagawin na nakapaloob sa plano ng Diyos.

Paano pinakamalinaw na maipaliliwanag ang Diyos sa katawang-tao? Sa madaling salita, ang ibig sabihin nito ay ang pagkakaroon ng Diyos ng anyo sa lupa, ito ang Espiritu ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao bilang isang karaniwang tao. Kung ang Espiritu ng Diyos ay nasa katawang-tao, umiiral pa rin ba Siya sa ibang lugar? Oo. Ang Diyos ay naghahari sa sansinukob at sa lahat ng bagay, at may iisang Diyos lamang na naghahari sa buong sansinukob. Siya ay makapangyarihan sa lahat, at Siya ngayon ay nagkatawang-tao at bumaba sa lupa. Hindi Siya katulad ng iniisip ng mga tao, na nagkakatawang-tao at gumagawa lamang ng gawain sa lupa at hindi nag-aabalang gawin iyon sa iba pang lugar. Tinanong Ko ang isang sister dati, “Ngayong narito na ang Diyos sa lupa at nasa katawang-tao, may Diyos pa ba sa langit?” Nag-isip siya sandali at sinabing, “Iisa lang ang Diyos at narito Siya ngayon sa lupa, kaya walang Diyos sa langit ngayon.” Mali na naman ito. Naghahari ang Diyos sa sansinukob at sa lahat ng bagay at ang Diyos ay Espiritu, narito Siya sa lupa ngunit naghahari pa rin sa lahat ng bagay sa langit at ginagawa ang Kanyang gawain sa lupa. Pagkatapos ay nagtanong Akong muli, “Ibig bang sabihin niyan ay umaalis din ang Espiritu ng Diyos kung minsan?” Napaisip siya saglit at sinabing, “Kailangan Niya sigurong umalis at kung minsan ay walang nalalaman ang katawang-tao. Umaalis ang Espiritu kapag normal na nabubuhay ang katawang-tao, at bumabalik Siya kapag mayroong sasabihin ang katawang-tao. Marahil ay may ibang ginagawa ang Espiritu habang natutulog ang katawang-tao ngunit bumabalik kapag gising na ang katawang-tao, at nagsasalita at gumagawa kasama ang katawang-tao. Kung walang gawaing gagawin, ang katawang-tao ay marahil ginagawa lamang ang mga normal na kilos ng tao at nagpapakita ng normal na mga pagpapamalas ng tao.” Ito ang iniisip ng maraming tao. May ibang nag-aalala, “Hindi ko alam kung paano inilalaan ang pera ng Diyos, palihim kaya itong ibinibigay sa iba?” Kumplikado talaga ang isipan ng mga tao. Paano aasamin na mahangad ang katotohanan ng mga taong ang isipan ay may masamang intensiyon? Sa madaling salita, ang pag-alam sa diwa ng Diyos na nagkatawang-tao ni ang pag-alam sa Kanyang disposisyon ay hindi madaling gawin sa pagkilala sa Diyos. Sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, anumang maranasan at makaharap mo ang siyang dapat mong malaman, at hindi ka dapat magkaroon ng mga palagay na walang batayan tungkol sa mga bagay na hindi mo mararanasan. Halimbawa, “Kapag lumisan ang katawang-tao ng Diyos, sa anong anyo muling magpapakita at gagawa ang Diyos ng Kanyang gawain? Magpapakita pa rin kaya Siya sa atin sa lupa?” Karamihan ng tao ngayon ay binibigyang-pansin ang ganitong mga panlabas na bagay, at hindi man lamang nila iniisip ang diwa ni Cristo; wala talagang silbi na unawain ang mga ito. May ilang bagay na hindi mo kailangang maunawaan, at mauunawaan mo ang mga ito pagdating ng panahon na kailangan mo na. Hindi mahalaga kung nauunawaan mo ang mga bagay na ito, at wala ni katiting na epekto ang mga ito sa pananampalataya ng mga tao sa Diyos sa katawang-tao, sa pananampalataya kay Cristo, o sa pagsunod kay Cristo. Wala rin ni katiting na epekto ang mga ito sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan o sa paggampan nang maayos ng kanilang tungkulin, at hindi nito madaragdagan ang iyong pananampalataya kung alam mo ang mga ito. Ang mga propeta ay nagpakita ng mga tanda at kababalaghan noong araw, at ano ang natamo ng mga tao? Ang nakamtan lamang nito ay ang kilalanin ng mga tao ang pag-iral ng Diyos. Ang mga propetang iyon ay hindi ang Diyos kahit ilang himala pa ang kanilang magawa dahil ang mga propeta ay walang diwa ng Diyos. Ang Diyos sa katawang-tao ay ang Diyos pa rin kahit hindi Siya gumagawa ng mga himala dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos. Kahit hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi iyan nangangahulugan na hindi Niya kayang ipakita ang mga iyon. Na naisasakatuparan ng Kanyang mga salita ang lahat ng bagay ay mas makapangyarihan pa kaysa sa pagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; mas malaking himala pa nga ito. Ang paghahangad ng kaalaman tungkol sa diwa at disposisyon ng Diyos ay napakahalaga, lubha itong kapaki-pakinabang sa inyong buhay pagpasok, at ito ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos.

Dapat ninyong malaman na habang gumagawa ang Diyos sa katawang-tao, saka nakahaharap at nakikita ng mga tao ang karamihan sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, ang Kanyang diwa, at ang Kanyang disposisyon. Ito ang pinakamagandang pagkakataon para makilala ang Diyos. Ang pag-alam sa mga kilos ng Diyos at sa Kanyang disposisyon na binanggit ng mga tao noong araw—mahirap makamtan iyon dahil hindi sila makalapit sa Kanya. Nang makita ni Moises na nagpakita sa kanya si Jehova noon, nakita lamang niya ang ilang bagay na ginawa ni Jehova. Gaano karami ang praktikal na kaalaman niya sa Diyos? Mas marami ba kaysa sa nalalaman ng mga tao ngayon? Mas praktikal ba ito kaysa sa nalalaman ng mga tao ngayon? Siyempre hindi. Inihayag ng Diyos ang marami sa Kanyang mga gawain noong panahon ng Kanyang gawain sa Israel. Maraming taong nakakita kay Jehova na nagsasagawa ng mga tanda at himala, at nakita pa nga ng ilan ang likuran ni Jehova. Marami ring taong nakakita ng mga anghel. Subalit ilang tao ang nakakilala sa Diyos sa huli? Lubhang kakaunti! Halos walang tunay na nakakilala sa Diyos. Ang mga tao lamang sa mga huling araw ang maaaring magkaroon ng maraming kaalaman tungkol sa Diyos kapag nararanasan nila ang Kanyang gawain habang Siya ay nasa katawang-tao, dahil sinasabi ng Diyos sa mga tao nang harapan kung anong gawain ang Kanyang ginagawa, ano ang layunin ng Kanyang gawain, ano ang Kanyang mga layunin, ano ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan, ano ang mga kalagayan at diwa ng sangkatauhan na ginawang tiwali ni Satanas, at iba pa. Sa pamamagitan lamang ng mga salitang ito ng paglalantad maaaring makita ng mga tao na tunay ngang ang Diyos ay ganito kapraktikal at katotoo, na mayroon talaga Siyang ganitong mga layunin para sa sangkatauhan, at na mayroon talaga Siyang ganitong disposisyon. Ang Kanyang mga gawain ay tunay na lubhang kagila-gilalas, ang Kanyang karunungan ay tunay na ganito kalalim, at ang Kanyang awa para sa sangkatauhan ay tunay na ganito katotoo. Lahat ng salitang ito na nasambit ng Diyos ay nagpapatotoo sa Kanyang gawain, sa Kanyang pagmamahal at disposisyon, at sa Kanyang mga gawa. Nararanasan natin mismo ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng pagdanas ng gawain ng Diyos. Ang mga salitang sinasabi ng Diyos ay napakapraktikal at totoong-totoo. Nararanasan ng mga tao na tunay na walang katapusan ang pagmamahal at pagpaparaya ng Diyos para sa sangkatauhan. Ang layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao ay namamalas sa Kanyang gawain at sa mga salitang Kanyang sinasabi, upang matikman ito ng mga tao sa kanilang aktuwal na karanasan. Samakatwid, ang pag-alam sa diwa ng pagkakatawang-tao ng Diyos ay makakamtan lamang sa panahon ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, at anumang nauunawaan mo na hindi sakop ng panahong ito ay hindi praktikal. Kapag nakumpleto na ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao at Siya ay lumisan, ang Kanyang gawain ay hindi magiging ganoon kapraktikal para sa iyo na katulad ngayon kapag sinusubukan mong maranasan ito. Ito ay dahil nakikita at nadarama mo ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ngayon. Palagi ring ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain nang kaharap ang mga tao, at personal nilang naranasan kung paano Siya nagsasalita at paano Siya gumagawa. Ang karanasan ni Pedro noong panahong iyon ay hindi kasing-totoo ng sa inyo ngayon. Sinundan ni Pedro si Jesus at dinanas kung ano ang praktikal at kaaya-aya sa Diyos sa panahon ng Kanyang gawain sa Judea, ngunit ang tayog ni Pedro noon at ang naranasan niya ay mababaw lamang. Matapos lumisan si Jesus, ginunitang mabuti at nilasap ni Pedro ang Kanyang mga salita, at pinalalim niya ang kanyang pag-unawa at tumanggap ng higit pa. Ipinahayag din ni Jesus noong panahon ng Kanyang gawain ang ilan sa kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, ang Kanyang mapagmahal na kabaitan, Kanyang awa, Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at Kanyang walang-hanggang pagpaparaya at biyaya para sa kanila. Ang mga taong sumunod sa Kanya noon ay nagawang maranasan ang ilan sa mga bagay na ito, at ang mga taong dumating kalaunan ay hindi nagawang maranasan kailanman ang mga iyon nang kasinglalim ng mga tao noon. Gayundin, nang maantig ng Banal na Espiritu ang mga tao at ipagdasal nila sa Diyos na maintindihan ang Kanyang mga layunin, ang kanilang naranasan noong mga panahong iyon ay malabo at mahina. Kung minsan ay mahirap iyong maintindihan nang wasto, at walang sinumang nakatitiyak na tumpak ang kanilang pagkaunawa. Samakatuwid, nang hulihin at ibilanggo si Pedro sa huli, sinikap pa ng ilang tao na alamin kung paano siya mapapalaya. Sa katunayan, ang intensiyon ni Jesus sa panahong iyon ay ang maipako si Pedro sa krus bilang huling patotoo ni Pedro. Nagwakas na ang kanyang paglalakbay, at isinaayos ng Diyos na ibigay niya ang kanyang patotoo sa ganitong paraan para magkaroon siya ng magandang hantungan. Ito ang landas na tinahak ni Pedro. Nang makarating si Pedro sa dulo ng kanyang landas, hindi pa rin niya naunawaan ang tunay na layunin ni Jesus. Naunawaan lamang niya ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin iyon ni Jesus sa kanya. Kaya nga, kung nais mong maunawaan ang diwa ng Diyos, malaking tulong ang gawin iyon habang nasa katawang-tao ang Diyos. Nakakakita, nakakahawak, nakakarinig, at nakadarama ka nang husto. Kung susubukan mong maranasan at magbaliktanaw kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu kapag natapos na ang gawain ng Diyos sa katawang-tao, ang iyong karanasan ay hindi magiging gayon kalalim, at ang anumang pagkaunawang makakamit mo ay mababaw. Sa panahong iyon, magagawa lamang Niyang pinuhin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Nang mapino na, mas nauunawaan na nang kaunti ng mga tao ang katotohanan at nagagamit ang katotohanang natamo nila bilang pundasyon sa kanilang buhay, binabago ang tiwaling disposisyon sa kanilang kalooban. Ngunit gaano mo man hangaring mahalin at kilalanin ang Diyos, hindi ka talaga gaanong uusad. May limitasyon sa pag-usad ng tao, at kulang na kulang iyon sa mga pakinabang ng pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagdaranas sa gawain ng Diyos sa katawang-tao. Marami nang katotohanang naipahayag ang Diyos habang Siya ay nasa katawang-tao, at maraming taong nakakakita ngunit hindi nakakaunawa at nakakarinig ngunit hindi nakakaalam. Sila ang mga taong walang espirituwal na pang-unawa at mga taong hindi nag-iisip. Ang mga tao ay walang konsensiya o katwiran, at hindi nila maramdaman kung gaano kalaki ang pagmamahal at pagpaparaya ng Diyos sa mga tao. Napakamanhid ng mga tao kaya nagtatamo lamang sila ng kaunting pagkaunawa at nagsisimulang pumasok sa tamang landas kapag tapos na ang gawain ng Diyos.

Ano ang diwa ni Cristo? Para sa mga tao, ang diwa ni Cristo ay pagmamahal. Para sa mga sumusunod sa Kanya, ito ay isang pagmamahal na walang-hanggan. Kung wala Siyang pagmamahal o habag, hindi Siya magagawang sundan ng mga tao hanggang sa kasalukuyan. Ang sabi ng ilang tao, “Ngunit matuwid din ang Diyos.” Totoong matuwid nga ang Diyos, ngunit kung ang pag-uusapan ay ang Kanyang disposisyon, ang Kanyang katuwiran ay pangunahing ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang pagkasuklam sa tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, sa Kanyang pagsumpa sa mga diyablo at kay Satanas, at sa Kanyang hindi pagtulot sa sinuman na salungatin ang Kanyang disposisyon. Kung gayon, may pagmamahal ba ang Kanyang katuwiran? Hindi ba’t pagmamahal ang Kanyang paghatol at paglilinis sa katiwalian ng mga tao? Upang iligtas ang sangkatauhan, nagtiis ang Diyos ng matinding kahihiyan nang may lubos na pagpapasensiya. Hindi ba’t pagmamahal ito? Kaya naman, tatapatin Ko kayo: Sa gawaing ginagawa ng Diyos para sa sangkatauhan habang nasa katawang-tao, ang pinakamalinaw at prominente sa Kanyang diwa ay pagmamahal; ito ay walang-hanggang pagpaparaya. Kung hindi ito pagmamahal at katulad ito ng inyong iniisip—na pinapabagsak ng Diyos ang mga tao kailanman Niya naisin o pinarurusahan, sinusumpa, hinahatulan, at kinakastigo Niya ang sinumang kinapopootan Niya, magiging napakalala niyon! Kung magagalit Siya sa isang tao, manginginig ito sa takot at hindi ito makatatayo sa harapan Niya…. Isang paraan lamang ito ng pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ang layunin pa rin Niya sa huli ay ang pagliligtas, at ang pagmamahal Niya ay nakikita sa lahat ng mga disposisyong ibinubunyag Niya. Magbalik-tanaw ka ngayon, ano ang pinakaibinubunyag ng Diyos sa panahon ng Kanyang gawain habang nasa katawang-tao? Ito ay ang pagmamahal, ito ay ang pagpapasensiya. Ano ba ang pagpapasensiya? Ang pagpapasensiya ay pagkakaroon ng awa dahil may pagmamahal na nasa loob. Nagagawa ng Diyos na kaawaan ang mga tao dahil may pagmamahal Siya, at lahat ng ito ay para iligtas ang mga tao. Katulad ito sa kung paanong ang mag-asawang tunay na nagmamahalan ay pinapatawad ang mga pagkukulang at pagkakamali ng isa’t isa. Nagagawa mong magtiis kapag ginagalit ka ng asawa mo, at lahat ng ito ay naitatag sa pundasyon ng pagmamahal. Kung pagkamuhi ito, hindi mo tataglayin ang ganitong saloobin o ihahayag ang mga bagay na ito, at hindi magkakaroon ng ganitong uri ng epekto. Kung pagkamuhi at galit lamang ang taglay ng Diyos o naghatol at nagkastigo lamang Siya nang walang pagmamahal, hindi ito magiging katulad ng sitwasyong nakikita ninyo ngayon, at magkakaproblema ang marami sa inyo. Maitutustos pa rin ba ng Diyos sa inyo ang katotohanan? Sa sandaling natapos na ang gawain ng paghatol at pagkastigo, ang mga taong hindi tumanggap sa katotohanan kahit katiting ay isusumpa. Hindi man sila namatay kaagad ay magkakasakit naman sila, magkakaroon ng kapansanan, mababaliw, mabubulag, at patatapak-tapakan sa masasamang espiritu at maruruming demonyo. Hindi sila magiging katulad ngayon. Kaya pagkatapos, natamasa na ninyo ang malaking pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang malaking pagpaparaya, awa, at mapagmahal na kabaitan. Ngunit hindi ito pinahahalagahan ng mga tao, naniniwala silang, “Ganito dapat ang Diyos sa mga tao. Ang Diyos ay mayroon ding katuwiran at poot, at nararanasan din naman natin ang mga ito!” Naranasan mo na ba talaga ang mga ito? Kung gayon, namatay ka na sana. Nasaan na sana ang sangkatauhan ngayon? Ang pagkamuhi, poot, at katuwiran ng Diyos ay ipinahahayag lahat mula sa pundasyon ng pagnanais na mailigtas ang grupong ito ng mga tao. Ang disposisyong ito ay kinabibilangan din ng pagmamahal at awa ng Diyos gayundin ng Kanyang dakilang pasensiya. Ang pagkamuhing ito ay may kasamang pakiramdam na wala nang ibang mapagpipilian, at kabilang dito ang walang-hanggang pag-aalala at pag-asa para sa sangkatauhan! Ang pagkamuhi ng Diyos ay nakatuon sa katiwalian ng sangkatauhan at sa pagkasuwail at kasalanan ng mga tao. Ito ay nagmumula lamang sa Diyos at nakatatag sa pundasyon ng pagmamahal. Mayroon lamang pagkamuhi dahil mayroong pagmamahal. Ang pagkamuhi ng Diyos sa sangkatauhan ay iba sa Kanyang pagkamuhi kay Satanas dahil inililigtas ng Diyos ang mga tao ngunit hindi si Satanas. Noon pa man ay naroon na ang matwid na disposisyon ng Diyos. Noon pa man ay naroon na ang poot, katuwiran, at paghatol; hindi ito saka lamang umiral nang ituon Niya ang mga ito sa sangkatauhan. Ito ang disposisyon ng Diyos bago pa man ito nakita ng mga tao, at nalaman lamang nila na ganito ang katuwiran ng Diyos matapos nilang malaman ang tungkol dito. Ang totoo, ang Diyos man ay nagpapakita ng pagiging matuwid, maharlika, o ng poot o gumagampan man Siya ng lahat ng uri ng gawain para sa kaligtasan ng sangkatauhan, lahat ito ay dahil sa pagmamahal. Sinasabi ng ilang tao, “Gaano kalaking pagmamahal ang itinutustos Niya?” Hindi ito usapin ng kung gaano kalaki; ang itinutustos Niya ay isandaang porsiyentong pagmamahal. Kung mas bababa pa sa isandaang porsiyento ang Kanyang itinutustos, hindi maliligtas ang sangkatauhan. Inialay ng Diyos ang Kanyang buong pagmamahal sa sangkatauhan. Bakit naging tao ang Diyos? Nasabi na dati na ginagawa ng Diyos ang lahat para iligtas ang sangkatauhan, at kasama sa Kanyang pagiging tao ang Kanyang buong pagmamahal. Ipinapakita nito sa inyo na ang paghihimagsik ng sangkatauhan laban sa Diyos ay sukdulan at na ang sangkatauhan ay hindi na kayang maligtas kaya ang Diyos ay walang magawa kundi ang maging tao upang ialay ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. Inialay na ng Diyos ang Kanyang buong pagmamahal. Kung hindi Niya minahal ang sangkatauhan, hindi sana Siya naging tao. Nagpakawala sana ang Diyos ng kulog mula sa kalangitan, at direktang pinawalan ang Kanyang pagiging maharlika at poot, at babagsak ang mga tao sa lupa. Hindi na sana kinailangan ng Diyos na magpakahirap, magbayad ng gayong halaga, o mapahiya nang husto habang nasa katawang-tao. Ito ay isang malinaw na halimbawa. Mas gugustuhin pa Niyang magdanas ng sakit, kahihiyan, pang-aabandona, at pang-uusig para iligtas ang sangkatauhan. Kahit sa gayon kasamang sitwasyon, pumarito pa rin Siya para iligtas ang sangkatauhan. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagmamahal? Kung hindi naging matuwid ang Diyos at napuspos Siya ng walang-hanggang pagkamuhi sa sangkatauhan, hindi sana Siya naging tao para gawin ang Kanyang gawain. Naghintay na lamang sana Siya hanggang sa naging sukdulan ang katiwalian ng sangkatauhan at saka sila pinuksang lahat at tinapos na ang lahat. Ito ay dahil mahal ng Diyos ang sangkatauhan at dahil napakalaki ng pagmamahal Niya sa sangkatauhan kaya Siya naging tao para iligtas ang mga taong ito na lubhang tiwali. Pagkatapos magdaan sa paghatol at pagkastigo ng Diyos at malaman ang kanilang likas na pagkatao, sinasabi ng maraming tao, “Katapusan ko na. Hindi na ako maliligtas kailanman.” Kapag naniwala ka nang hindi ka maliligtas, saka mo mamamalayan na talagang napakalaki ng pasensiya at pagmamahal ng Diyos sa mga tao! Ano ang kayang gawin ng mga tao kung wala ang pagmamahal ng Diyos? Kinakausap pa rin kayo ng Diyos kahit ang likas na pagkatao ng tao ay lubha nang naging tiwali. Tuwing magtatanong kayo ay nagmamadali Siyang sumagot, sa takot na baka hindi makaunawa o maligaw ng landas o magmalabis ang mga tao. Sa lahat ng ito, hindi pa rin ba ninyo nauunawaan kung gaano kadakila ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan?

Pinupuna ngayon ng maraming tao, “Bakit nananatili pa rin sa lupa ang Diyos sa katawang-tao ngayong tapos na ang Kanyang gawain? May isa pa kayang yugto ng gawain? Bakit hindi magmadali at gawin ang susunod na yugto ng gawain?” May kahulugan dito, siyempre pa. Matapos magsabi ng maraming salita ang Diyos sa katawang-tao, ano ang naging epekto sa mga tao? Narinig at naalala lamang ng mga tao ang Kanyang mga salita nang hindi nakapagkakamit ng pagpasok sa karamihan ng mga ito, at walang naging malinaw na pagbabago sa kanila. Sa inyong kalagayan ngayon, malaking bahagi ng katotohanan ang hindi ninyo naiintindihan, at imposibleng makapasok sa realidad. Sa pagiging tao ng Diyos upang gumampan ng gawain at magsambit ng napakaraming salita, ano sa palagay ninyo ang Kanyang layunin? Ano ang epekto nito sa huli? Kung sisimulan na Niya ngayon ang susunod na yugto ng gawain at tutulutan ang mga taong gawin ang gusto ng mga ito, mapapabayaan ang gawain nang hindi pa natatapos. Kailangang magawa ang gawain ng Diyos sa katawang-tao sa dalawang buong yugto para lubos na mailigtas ang mga tao. Tulad lamang sa Kapanahunan ng Biyaya, pumarito si Jesus, at inabot ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon mula sa Kanyang pagsilang hanggang sa ipako Siya sa krus at umakyat sa langit. Hindi ito mahabang panahon ayon sa normal na haba ng buhay ng tao, ngunit hindi ito maikling panahon para sa Diyos sa lupa! Napakasakit ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon! Ang Diyos sa katawang-tao ay may diwa at disposisyon ng Diyos at namuhay sa piling ng tiwaling sangkatauhan sa loob ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon, at naging masakit ito. Trinato man Siya nang maayos ng mga tao o hindi o nagkaroon man Siya ng lugar na mapapahingahan, kahit wala ang lahat ng ito, kahit hindi nagtiis ang Kanyang katawan ng matinding pisikal na paghihirap, masakit ang mamuhay sa piling ng mga tao para sa Diyos dahil hindi sila magkauri! Halimbawa, kung mamuhay ang mga tao buong araw na kasama ng mga baboy, pagkaraan ng ilang oras ay hindi nila ito makakayanan dahil hindi nila kauri ang mga ito. Ano ang magiging karaniwang wika ng mga tao sa mga baboy? Paano makapamumuhay ang mga tao sa piling ng mga baboy nang hindi nagdurusa? Kahit ang isang mag-asawa ay nasusuklam na mamuhay nang magkasama kung hindi sila lubos na magkasundo. Ang tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon ng Diyos sa lupa sa katawang-tao ay isang napakasakit na bagay, at walang sinumang nakakaunawa sa Kanya. Iniisip pa nga ng mga tao, “Kayang gawin at sabihin ng Diyos sa katawang-tao ang anumang nais Niya, at napakaraming taong sumusunod sa Kanya. Ano ba ang mga paghihirap Niya? Wala lamang Siyang lugar na mapagpapahingahan at nagtitiis ng kaunting sakit at pagdurusa ang Kanyang katawan. Mukha namang hindi napakasakit niyon!” Totoo na ang mga pasakit na ito ay isang bagay na makakaya at matitiis ng mga tao, at hindi naiiba ang Diyos sa katawang-tao. Kaya Niya ring tiisin ito, at hindi ito malaking pagdurusa para sa Kanya. Karamihan sa pagdurusang Kanyang tinitiis ay ang mamuhay sa piling ng sangkatauhan na sukdulan ang pagkatiwali, ang pagtitiis ng pangungutya, pag-insulto, panghuhusga, at pagkondena mula sa lahat ng uri ng tao gayundin ang matugis ng mga demonyo at ang pagtanggi at pagkapoot ng mundo ng relihiyon, na nakasusugat sa kaluluwa na hindi magagamot ninuman. Masakit na bagay ito. Inililigtas Niya ang tiwaling sangkatauhan nang may lubos na pagpapasensiya, minamahal Niya ang mga tao sa kabila ng Kanyang mga sugat, at napakasakit na gawain nito. Ang malupit na pagtutol ng sangkatauhan, pagkondena at paninirang-puri, mga maling paratang, pang-uusig, at ang kanilang pagtugis at pagpatay ang nagiging dahilan para gawin ng katawang-tao ng Diyos ang gawaing ito sa kabila ng malaking peligro sa Kanyang sarili. Sino ang makakaunawa sa Kanya habang dinaranas Niya ang mga pasakit na ito, at sino ang maaaring umalo sa Kanya? Kakaunti lamang ang kasigasigan ng mga tao, at maaari din silang magreklamo o pasibong tratuhin at balewalain ang Diyos. Paanong hindi Siya magdurusa dahil dito? Nadarama Niya ang napakatinding pasakit sa Kanyang puso. Sasapat ba ang ilang materyal na kaginhawahan para makabawi sa pinsalang nagawa ng sangkatuhan sa Diyos? Palagay mo ba ay kaligayahan ang kumain at magbihis nang maayos? Katawa-tawa ang pananaw na ito! Ginawa ng Panginoong Jesus ang Kanyang gawain sa lupa at nabuhay nang tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon, nakalaya lamang Siya matapos Siyang ipako sa krus, at mabuhay na mag-uli mula sa mga patay, at magpakita sa mga tao sa loob ng apatnapung araw, na siyang tumapos sa Kanyang masasakit na mga taon ng buhay sa piling ng sangkatauhan. Ngunit ang puso ng Diyos ay palaging may pasakit dahil sa pag-aalala sa hahantungan ng mga tao. Ang pasakit na ito ay hindi kayang unawain o tiisin ng sinuman. Ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para pasanin ang mga kasalanan ng lahat ng tao upang ang sangkatauhan ay magkaroon ng pundasyon para sa kaligtasan. Tinubos Niya ang sangkatauhan mula sa mga kamay ni Satanas sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, at winakasan lamang Niya ang Kanyang masakit na buhay sa mundong ito matapos Niyang makumpleto ang Kanyang buong gawain ng pagtubos. Nang makumpleto na ang Kanyang buong gawain, hindi Siya nagpaliban ni isang araw. Nagpakita lamang Siya sa mga tao upang malaman ng lahat na tunay na naisakatuparan ng Diyos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan at nakumpleto ang isa Niyang plano sa katawang-tao. Hindi sana Siya lumisan kung hindi pa nakumpleto ang anumang bahagi ng gawain. Sa Kapanahunan ng Biyaya, madalas sabihin ni Jesus, “Hindi pa dumarating ang oras Ko.” Ang ibig sabihin ng hindi pa dumarating ang Kanyang oras ay na hindi pa katapusan ng Kanyang gawain. Ibig sabihin, ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay hindi lamang ang pagpunta sa iba’t ibang lugar, pagsasalita, pagsusuri sa buhay-iglesia, at pagsasabi ng lahat ng kailangang sabihin na tulad ng iniisip ng mga tao. Kapag natapos na ng Diyos sa katawang-tao ang Kanyang gawain at nasabi ang lahat ng bagay na ito, kailangan pa rin Niyang hintayin ang mga huling resulta at ang mga epektong makakamit ng Kanyang sinabi at tingnan kung ano ang kalalabasan ng sangkatauhan pagkatapos na makamit ang kaligtasan. Hindi ba’t natural lamang ito? Iiwanan lamang ba Niya ang gawaing ito pagkatapos Niyang magbayad ng napakalaking halaga? Kailangan Niyang magpursige hanggang sa wakas, at kapag nagkaroon na ng mga resulta, saka lamang Siya mapapanatag na tumuloy sa susunod na hakbang ng gawain. Ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala ay mga partikukar na bagay na Siya lamang ang makagagawa. Ang kalalabasan sa huli ng sangkatauhan at ng mga sumusunod sa Kanya, ang kalalabasan sa huli ng mga naligtas, kung ilang tao ang umaayon sa Kanyang mga layunin, ilang tao ang tunay na nagmamahal sa Kanya, ilang tao ang tunay na nakakikilala sa Kanya, ilang tao ang nag-aalay ng kanilang sarili sa Kanya, at ilang tao ang tunay na sumasamba sa Kanya—lahat ng tanong na ito ay kailangang magkaroon ng resulta. Hindi ito “Kapag kumpleto na ang gawain ng Diyos sa lupa, dapat Siyang magpakasaya. Maaari Siyang mamuhay nang malaya at magaan!” tulad ng iniisip ng mga tao. Dapat ninyong malaman ito: Hindi talaga ito pamumuhay nang malaya at magaan, napakasakit nito! Hindi ito nauunawaan ng ilang tao at iniisip nila, “Kung natapos na ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao at hindi na Siya nagsasalita, ibig bang sabihin niyan ay wala na ang Kanyang Espiritu?” Dahil doon, nagsisimula silang magduda sa Diyos. Mayroon ding ilan na nagsasabi, “Kapag nakumpleto na ng Diyos ang Kanyang gawain sa katawang-tao at tapos na Siyang magsalita, kailangan ba Niya talagang maghintay?” Kailangan. Ang gawain ng Diyos sa katawang-tao ay may partikular na saklaw. Hindi ito katulad ng iniisip ng mga tao kung saan tapos na ito kapag natapos na ang gawain at magagawa na ito ng Banal na Espiritu. Hindi ito ganoon. May ilang bagay na nangangailangang gabayan at asikasuhin nang personal ng katawang-tao. Walang sinumang makapamamahala sa mga bagay na ito, at ito rin ang kahulugan ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Nauunawaan ba ninyo ito? Noong araw, pagalit Kong nasabi sa ilang tao, “Miserableng makisama sa inyo.” Sasagot ang ilang tao, “Kung ayaw Mo kaming makasama, bakit Ka naghihintay rito?” Ito ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan! Makapagtitiis ba ang Diyos hanggang ngayon nang walang pagmamahal? Kung minsan ay nagagalit Siya at nagsasalita nang mabagsik, ngunit hindi Niya binabawasan ang Kanyang gawain. Hindi Niya pinalalagpas ni isang hakbang. Hindi Niya tatanggihang gawin ang gawaing dapat gawin at sabihin ang mga salitang dapat sabihin. Ginagawa at sinasabi Niya ang lahat ng kailangang gawin at sabihin. Sinasabi ng ilang tao, “Bakit hindi na gaanong nagsasalita ngayon ang Diyos na tulad ng ginawa Niya noong araw?” Dahil ang mga hakbang na iyon ng gawain ay nakumpleto na, at ang huling hakbang ay ang maghintay. Ginagawa Ko lamang ang gawaing pumatnubay, at kailangan Kong gawin ang lahat ng magagawa Ko. Bakit ba palaging hindi maayos ang kalusugan Ko sa huling yugtong ito? Alam ninyo, isang bagay rin ito na makabuluhan. Ito ay ang pasanin ang ilang karamdaman at sakit ng sangkatauhan. Maaaring magdanas ang Diyos sa katawang-tao ng ilang karamdaman at sakit, ngunit lahat ng ito ay dumarating sa paisa-isang yugto. Ang gawaing hindi kinakailangang gawin ay nalilimitahan ng mga karamdaman ng katawan at hindi ito magagawa; kailangang mahirapan nang kaunti ang katawan pagdating ng oras. Nang walang maraming limitasyon, lagi Niyang gugustuhing kausapin ang sangkatauhan at tulungan pa sila, dahil ginagawa Niya ang gawain ng pagliligtas. Ang naihayag ng gawain ng Diyos sa katawang-tao mula simula hanggang sa wakas ay puro pagmamahal ng Diyos. Ang diwa ng Kanyang gawain ay pagmamahal, at iniaalay Niya ang lahat at ang lahat ng mayroon Siya para sa sangkatauhan.

Taglamig, 1999

Sinundan: Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos

Sumunod: Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito