Ang Landas ng Paglutas sa Isang Tiwaling Disposisyon

Anuman ang ginagawa mo, dapat mong matutuhang hanapin at magpasakop sa katotohanan; sinuman ang nag-aalok sa iyo ng payo, kung naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo, kahit pa nanggagaling ito sa isang maliit na bata, dapat mong tanggapin ito at magpasakop dito. Anuman ang mga suliraning mayroon ang isang tao, kung ang kanyang mga salita at payo ay ganap na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, dapat mong tanggapin kung gayon ang mga ito at magpasakop dito. Ang mga resulta ng pagkilos sa ganitong paraan ay magiging maganda at nakasunod sa mga layunin ng Diyos. Ang susi ay ang suriin ang iyong mga motibo, at ang mga prinsipyo at pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay. Kung ang iyong mga prinsipyo at pamamaraan sa pangangasiwa ng mga bagay-bagay ay nagmumula sa kalooban ng tao, mula sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tao, o mula sa mga satanikong pilosopiya, kung gayon ay hindi praktikal ang mga prinsipyo at pamamaraang iyon, at malamang na hindi maging epektibo. Ito ay dahil sa ang pinagmulan ng mga prinsipyo at pamamaraan mo ay mali, at hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang mga pananaw mo ay batay sa mga katotohanang prinsipyo, at pinangangasiwaan mo ang mga bagay-bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay walang-dudang mapangangasiwaan mo ang mga ito nang tama. Kahit na sa panahong iyon ay hindi tinatanggap ng mga tao ang paraan mo ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay, o kaya ay may mga kuru-kuro sila tungkol dito, o tumututol sila rito, paglipas ng ilang panahon ay mapapatunayang tama ka. Mas positibong namumunga ang mga bagay-bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, habang ang mga bagay naman na hindi ay mas negatibo ang mga kinahihinatnan, kahit pa akma ang mga ito sa kuru-kuro ng mga tao nang mga panahong iyon. Tatanggap ng kumpirmasyon ang lahat ng mga tao tungkol dito. Hindi ka dapat sumailalim sa paglilimita ng tao sa anumang iyong ginagawa, at hindi ka dapat gumawa ng sarili mong mga pagtatakda; dapat ka munang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, at pagkatapos ay magsiyasat at makipagbahaginan sa lahat tungkol sa bagay na iyon. Ano ang layon ng pagbabahaginan? Para ito magawa mo ang mga bagay-bagay nang ganap na naaayon sa mga layunin ng Diyos at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos. Medyo maganda ang pagkakasabi nito, at mahihirapan ang tao na makamit ito. Sa madaling salita, ito ay para magawa mo ang mga bagay-bagay nang naaayon mismo sa mga katotohanang prinsipyo. Mas kongkreto ito. Kapag naabot ng isang tao ang pamantayang ito, isinasagawa niya ang katotohanan at sinusunod ang kalooban ng Diyos; nasa kanya ang katotohanang realidad at walang sinumang tututol rito.

Kapag naharap ka sa isang isyu, sa halip na makipagtalo, dapat mo munang isantabi ang iyong mga kuru-kuro, imahinasyon, at palagay—ito ang katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kung may isang bagay na hindi ko nauunawaan, at hindi ako eksperto sa larangang ito, sasangguni ako sa isang taong pamilyar sa paksang iyon. Pagkatapos sumangguni sa kanya, magkakaroon na ako ng pangunahing konsepto sa bagay na iyon. Gayunpaman, dapat kong hanapin kung paano ko mag-isang pangangasiwaan ang bagay na iyon, hindi ako maaaring lubos na makinig sa ibang tao, ni harapin iyon na nakabatay lamang sa sarili kong mga imahinasyon. Dapat kong hanapin kung paano kumilos sa paraang magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba ito isang makatwirang paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay? Hindi ba ito isang katwiran na dapat taglayin ng isang normal na tao? Tama ang paghahanap at paghingi ng payo sa ganitong paraan. Ipagpalagay nating marami kang alam sa isang partikular na larangan at sumangguni Ako sa iyo tungkol dito, pero pagkatapos, hinihingi mo na sumunod Ako sa sinabi mo at na gawin Ko ang plano mo—anong uri ng disposisyon iyan? Ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Ngayon, ano kayang isang makatwirang paraan ang dapat mong gawin? Dapat mong sabihin: “Kakaunti ang nalalaman ko sa larangang ito, ngunit hindi ito nauugnay sa katotohanan. Ituring mo na lang ito na isang suhestiyon na puwedeng pag-isipan, pero para sa mga detalye kung paano kikilos, kailangan mong mas higit na sumangguni sa mga layunin ng Diyos.” Kung humingi Ako ng payo sa iyo at sa tingin mo ay talagang nauunawaan mo ang bagay na ito, at itinuturing mong hindi pangkaraniwan ang iyong sarili, isa itong mapagmataas na disposisyon kung gayon. Ang isang mapagmataas na kalikasan ay maaaring magdulot sa iyo ng ganitong klaseng pagtugon at pagpapamalas—kapag may humihingi sa iyo ng payo, nawawala agad ang pagkamakatwiran mo; nawawala ang katwiran mo bilang isang normal na tao, at hindi mo kayang magbigay ng mga tamang paghatol. Kapag nagbubunyag ang isang tao ng isang tiwaling disposisyon, hindi normal ang katwiran niya. Samakatuwid, anuman ang mangyari sa iyo, kahit na humihingi ng payo sa iyo ang iba, hindi ka maaaring maging walang pakundangan at dapat kang magtaglay ng normal na katwiran. Ano ang normal na paraan ng pag-asal? Sa puntong ito, dapat mong isaalang-alang: “Kahit na naiintindihan ko ang bagay na ito, hindi ako maaaring maging walang pakundangan. Dapat ko itong harapin nang may katwiran ng normal na pagkatao.” Sa pagbalik sa harap ng Diyos, magtataglay ka ng katwiran ng normal na pagkatao. Bagaman kung minsan, magpapakita ka ng isang partikular na kasiyahan sa sarili, magkakaroon ng pagpigil sa puso mo—mangangalahati ang pagbubunyag ng iyong mga tiwaling disposisyon, at mas mababawasan ang negatibo mong impluwensiya sa iba. Gayunpaman, kung kumikilos ka ayon sa mapagmataas mong disposisyon, palagi kang naniniwalang tama ka at dahil dito ay pinipilit mo ang iba na makinig sa iyo, nagpapakita ito ng napakalaking kakulangan ng katwiran. Kung tama ang landas na itinuturo mo sa mga tao, maaaring maging maayos ang mga bagay-bagay, ngunit kung mali ito, ipapahamak sila nito. Kung may isang taong humingi ng payo sa iyo tungkol sa isang personal na bagay at itinuro mo siya sa maling landas, nakapagpahamak ka lang ng isang tao. Gayunpaman, kung tinanong ka ng isang tao tungkol sa isang mahalagang bagay na may kaugnayan sa gawain ng iglesia at inakay mo siya sa maling landas, naipahamak mo ang gawain ng iglesia at magdurusa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kung likas na malubha ang suliranin at nilalabag nito ang disposisyon ng Diyos, kahila-hilakbot ang magiging mga kahihinatnan.

Anuman ang mga pangyayari, sa sandaling magsimulang lumitaw sa isang tao ang mga tiwaling kaisipan at ideya, at nabubunyag ang kanyang mga tiwaling disposisyon, hindi ito isang maliit na bagay lang. Kung hindi niya hahanapin ang katotohanan para lutasin ang kanyang katiwalian, wala nang paraan para madalisay ito. Gayunpaman, kung magagawa niyang makatwirang hanapin ang katotohanan at tukuyin ang pinakaugat ng pagbubunyag niya ng katiwalian gamit ang mga salita ng Diyos, magiging madali para sa kanya na lutasin ang suliranin ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag mas bumabalik ka sa kaibuturan ng iyong espirito para maghintay at maghanap, mas magiging madali para sa iyo na matagpuan ang mga nauugnay na salita ng Diyos para matukoy ang diwa ng suliranin. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang pagbubunyag ng iyong katiwalian, magagawa mong magpasakop sa Diyos, hindi ka na magsasalita o kikilos batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon, at ang katauhan mo ay higit na mas magiging normal. Ano ang normal na pagkatao? Ito ay pagsasalita at pagkilos sa paraang naaayon sa mga pamantayan ng normal na pagkatao, konsensiya at katwiran, mga katotohanang prinsipyo, at mga pamantayang hinihingi ng Diyos—iyan ay isang pagpapamalas ng normal na pagkatao. Samakatuwid, anuman ang mangyari sa iyo, dapat ka munang huminahon, manahimik sa harap ng Diyos, at magdasal sa Kanya, hanapin kung paano kikilos sa bagay na iyon ayon sa Kanyang mga layunin. Ang mga taong may normal na pagkatao ay nagtataglay ng ganitong pagkamakatwiran—kaya nilang pigilan ang kanilang sarili at makamit ito, nakadepende lang ito sa kung handa ka bang magsagawa sa ganitong paraan o hindi. Kung palagi mong sinusubukang magpakitang-gilas, ipagmalaki ang iyong sarili, magmataas at itatag ang iyong sarili bilang isang diyos-diyosan sa puso ng ibang tao, napalayo ka na nga sa Diyos kung gayon. Hindi ka na makababalik sa harap Niya, at sa puso mo ay lumalaban ka na sa Kanya. Palagi mong gustong gawin ang mga bagay-bagay batay sa mga sarili mong ideya, at pagkatapos maisagawa ang isang bagay, pakiramdam mo ay nagkamit ka ng isang katangi-tanging tagumpay, naging bahagi ng isang dakilang pakikipagsapalaran, na may kakayahan ka, na hindi ka isang ordinaryong tao lamang, at naghahangad kang maging isang pambihirang tao at iba pang dakilang indibidwal. Mahirap kumilos sa ganitong paraan at hindi ito pagtahak sa tamang landas. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay katulad nito; wala sila kahit katiting na normal na pagkatao at puno sila ng mala-demonyong kalikasan. Yaong mga tunay na naniniwala sa Diyos ay kayang tanggapin ang katotohanan, handa silang magsikap para dito, at nasisiyahan silang mamuhay sa normal na wangis ng tao. Nangangailangan ito ng pagsisikap sa katotohanan, malimit na pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at mas higit pang pagbabasa ng Kanyang mga salita, na nagpapahintulot sa mga itong tumimo sa iyong puso, at makamit ang pagkaunawa sa katotohanan. Dapat ay palaging nasa tahimik na kalagayan ang puso mo, at kapag may nangyari sa iyo, hindi ka dapat magpadalos-dalos, magkaroon ng pagkiling, maging matigas ang ulo, radikal, artipisyal, o huwad, upang magawa mong kumilos nang may katwiran. Ito ang tamang pagpapamalas ng normal na pagkatao.

Sa panahon ngayon, karamihan sa mga tao ay walang kakayahang maging makatwiran. Sumisigla sila kapag binibigyan sila ng ibang tao ng ilang papuri at nagsisimula silang maniwala na hindi sila ordinaryong tao. Anong uri ng disposisyon ang kanilang ibinubunyag? Hindi ba’t ito ay isang mapagmataas na disposisyon? Kung hindi ka komportable matapos kang pungusan nang kaunti ng isang tao, at nais mong makipagtalo sa kanya at pabulaanan ang kanyang sinabi, anong uri ng disposisyon ang ipinapakita mo? Pagpapakita rin ito ng isang mapagmataas na disposisyon. Halimbawa, nang pansamantalang walang naging problema sa lahat ng ginagawa mo at pinuri ka ng mga tao, sinasabing mahusay ang naging pagganap mo at may paghanga silang tumitingin sa iyo, nagsimula kang maniwala na magagawa mo ang kahit na ano, at na nakahihigit ka sa iba. Nasiyahan ka, at kapag naglalakad ka sa labas, pakiramdam mo ay lumulutang ka sa alapaap. Samantalang kapag nahaharap ka sa mga dagok sa mga bagay-bagay na ginagawa mo, sumasama ang timpla mo, at wala kang kagana-ganang makipag-usap sa ibang tao. Ang mga taong tulad nito ay matitigas ang ulo at kapos pa sa gulang, at wala silang normal na pagkatao. Anong uri ng mga pagpapamalas ang ipinakikita ng mga taong may normal na pagkatao? Kapag dumaranas sila ng mga dagok o kaya ay pinupungusan sila, hindi sila nagiging negatibo at hindi nila hinahayaang maapektuhan nito ang kanilang mga tungkulin. Kahit na magtiis sila ng matinding pagdurusa sa buong panahon ng kanilang mga tungkulin o magkamit sila ng natatanging mga resulta, hindi nila iniisip na karapat-dapat silang papurihan, o umaasa ng anumang gantimpala, ni hindi sila nanghihingi ng respeto ng ibang tao. Hindi nila kinukunsinti ang gayong mga damdamin. Nagagawa nilang pangasiwaan nang tama ang mga bagay na ito at nagtataglay sila ng katwiran ng isang normal na tao. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng normal na pagkatao. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, kung minsan ay nagiging mayabang at mapagmataas sila, nalulunod sa kanilang sariling kapalaluan, at kapag dumanas sila ng mga pagkabigo o dagok, magpapatalo sila sa kawalang-pag-asa, at hindi magiging normal ang kanilang mga katwiran. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan, pagtatakwil sa kanilang tiwaling disposisyon, at paglago sa buhay maaaring maging ganap sa gulang ang katauhan ng isang tao. Ang pag-unawa sa katotohanan at pagsasagawa ng mga gawain nang may mga prinsipyo ang mahahalagang kondisyon na dapat tuparin ng mga tao upang maging ganap sa gulang ang kanilang katauhan. Kung ang isang tao ay hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi nagsasagawa ng kanyang mga gawain nang may mga prinsipyo, nanganganib silang magpaurong-sulong, at mag-atras-abante sa tama at mali. Kapag may pumupuri sa kanila, nagiging mapagmataas sila, ngunit kapag may nagpupungos sa kanila, nagiging negatibo sila. Ito ay pagpapamalas ng isang katauhan na wala pa sa sapat na gulang. Hindi ba’t ito ang kalagayan ninyo? Palagi kayong nag-uurong-sulong, wala ni katiting na katatagan, hinding-hindi makapagpanatili ng isang normal na kalagayan. Kapag maganda ang timpla mo at masaya ka, puno ka ng sigasig at handa ka pang ibigay ang buhay mo para sa Diyos. Gayunpaman, kapag nahaharap sa mga dagok, kabiguan, o pagpupungos, nagiging negatibo ka kaagad. Hinahayaan mo ang sarili mong malugmok sa kawalang-pag-asa, pakiramdam mo ay katapusan mo na, at na wala ka nang pag-asa pang makamit ang kaligtasan, at na ang konsensiya mo, katwiran, at paghatol ay wala na talagang silbi sa iyo. Ito ang nangyayari kapag hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga tao—mamumuhay lamang sila ayon sa kanilang mga satanikong disposisyon, hindi sinasadyang namumuhay sa kasalanan. Hindi maililigtas ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-asa sa kanilang sariling kaalaman at katalinuhan; kapag wala ang katotohanan sa mga tao, hindi nila taglay ang buhay—para bang wala silang mga kaluluwa. Samakatuwid, ang pagkamit ng katotohanan ay ganap na kinakailangan. Ngayon, kapag iniharap kayo sa tukso ni Satanas, nakaranas ng mga dagok at kabiguan, o nakatagpo ng kasawian, anong mga aral ang dapat ninyong matutunan? Ano ang mga layunin ng Diyos? Ano ang nais Niyang maunawaan mo? Nais Niyang maunawaan ninyo ang katotohanan at makamtan ang buhay, na sa pundamental ay lulutas sa lahat ng inyong mga suliranin. Sa ngayon, ang inyong pag-unawa sa katotohanan ay napakababaw at ang tayog ninyo ay napakababa. Bilang resulta, palagi kayong hindi normal ang kalagayan at hindi matatag ang iyong disposisyon. Kapag nasa mabuting kalagayan kayo, kaya ninyong magpatuloy at humakbang pa pasulong, ngunit kapag nasa masamang kalagayan kayo, umaatras kayo at nagiging negatibo sa loob ng ilang araw. Ito ang nananaig ninyong kalagayan, kaya mabagal kayong umunlad. Ang madalas na pagiging mahina at negatibo ang pinakamalalaking hadlang sa pagpasok sa buhay, at ang suliraning ito ay dapat malutas para umunlad ang isang tao sa kanyang buhay. Ang ilang tao ay nalulugod sa kanilang sarili pagkatapos lamang na makakuha ng kaunting resulta sa kanilang mga tungkulin, at nagiging mapagmataas pagkatapos makatanggap ng mga papuri, at minamaliit ang iba. Ang mga taong ito ang pinakawalang katwiran at wala silang taglay ni katiting na katotohanang realidad. Ang ilang tao ay nagsisimulang magtamasa ng mga benepisyo ng katayuan sa sandaling matupad nila ang isang maliit na gawain. Anuman ang kanilang ginagawa, gusto nila na palaging pinupuri at kung wala silang makuhang anumang papuri mula sa iba, wala silang lakas para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Palagi silang pinipigilan ng mga bagay na ito, at nakadarama lang sila ng kasiyahan kung namumukod-tangi sila sa iba at nabubuhusan ng papuri. Kung hindi nila nagawa nang mahusay ang isang bagay, o nakaranas sila ng kabiguan at pagkadapa, pakiramdam nila ay masyado silang tiwali at hindi na matutubos. Palagi silang nabubuhay sa pagitan ng mga kasukdulang ito. Kung, anuman ang tungkuling gampanan ninyo o anuman ang mangyari sa inyo, ay kaya ninyong palaging matuto ng mga aral, maghanap ng katotohanan para matagpuan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at maisagawa ang katotohanan, lumago na nga kayo at hindi na kailangan pang gabayan at pamunuan ng iba. Kung, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, at pagdaranas ng ilang bagay at ng mga kapaligirang isinaayos ng Diyos para sa iyo, ay nakikita mo kung saan ka dinadala ng kamay ng Diyos, kung ano ang nais ng Diyos na matutunan mo, kung anong mga larangan ang nais Niyang makilatis mo, at kung anong kaalaman sa karanasan ang nais Niyang makuha mo sa pamamagitan ng mga bagay at kapaligirang ito, at nagawa mong magtamo ng isang bagay sa pamamagitan ng bawat isa sa mga karanasang iyon, kung gayon ay lumago ka. Kung palagi kang nangangailangan ng suporta at tulong sa iba para umusad, kung napaparalisa ka at walang pagbabago, o nagpapabalik-balik sa mga kasukdulan, at anumang oras ay nanganganib kang madapa at hindi na makabangon nang walang sinuman para himukin ka, gabayan ka, o suportahan ka, pagpapamalas ng hilaw na tayog ang lahat ng ito. Yaong may mga hilaw na tayog ay hindi makakain at makainom ng mga salita ng Diyos nang mag-isa, at hindi nila maunawaan ang katotohanan sa pamamagitan ng pakikinig sa sermon o pakikipagbahaginan. Nakatuon lang sila sa pagsunod sa mga regulasyon at naniniwalang hangga’t kaya nilang sumunod sa mga regulasyon, nasa maayos sila. Palagi silang nangangailangan ng isang taong mag-aakay sa kanila, na gagabay sa kanila sa lahat ng bagay, at tuturuan sila at hahawakan sila sa kamay para akaying sumunod, at kung walang tulong at suporta ng ibang tao, napaparalisa sila, nagiging negatibo at mahina. Ganap silang nawawalan ng halaga, at sa malao’t madali, mamamatay sila; basura sila at hindi nila kayang matamo ang pagliligtas ng Diyos. Itinatanong ng ilan: “May paraan ba para malutas ang isyu ng mababa kong tayog?” May paraan para malutas ito. Anuman ang mangyari sa iyo, seryoso man o maliit na bagay, o kung ito ay isang tungkulin na ginagampanan mo, dapat mong tandaan ang isang bagay: Huwag kang umasa sa damdaming makalaman, sa mga kuru-kuro o imahinasyon, o sa init ng iyong ulo, sa halip, hanapin mo kaagad ang katotohanan at alamin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa tao. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos mahahanap mo ang landas pasulong.

Paano nagpapamamalas ang pagkilos batay sa damdamin ng isang tao? Ang pinakakaraniwang pagpapamalas ay kapag palaging ipinagtatanggol o pinaninindigan ng mga tao ang kung sinuman na mabait sa kanila o malapit sa kanila. Halimbawa, sabihin nating ang kaibigan mo ay nalantad sa paggawa ng isang masamang bagay at ipinagtanggol mo siya sa pamamagitan ng pagsasabing: “Hindi niya gagawin ang ganoon, mabuti siyang tao! Pinagbibintangan lang siya.” Makatarungan ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Pag-asal at pagsasalita ito batay sa damdamin ng isang tao. Para sa isa pang halimbawa, ipagpalagay na nagkaroon ka ng kaunting hindi pagkakaunawaan sa isang tao at inayawan mo na siya, at kapag nagsabi siya ng isang bagay na tama at naaayon sa mga prinsipyo, ayaw mo nang makinig, anong pagpapamalas ito? (Hindi pagtanggap sa katotohanan.) Bakit hindi mo matanggap ang katotohanan? Alam mo sa iyong puso na tama ang sinabi niya, ngunit dahil mayroon ka nang pagkiling laban sa kanya, ayaw mo nang makinig kahit na alam mong tama siya. Anong suliranin ito? (Natatalo ng damdamin.) Ito ay puno ng damdamin. Madaling maimpluwensiyahan ang ilang tao ng kanilang mga personal na kagustuhan at emosyon. Kapag hindi nila makasundo ang isang tao, gaano man kahusay o katama magsalita ang taong iyon, hindi sila makikinig. At kapag nakakasundo naman nila ang isang tao, handa silang makinig sa anumang sasabihin nito, hindi alintana kung tama ito o mali, o kung naaayon ito sa katotohanan. Hindi ba’t ito yaong madaling maimpluwensiyahan ng mga personal na kagustuhan at emosyon ng isang tao? Sa ganoong disposisyon, maaari bang magsalita at kumilos nang makatwiran ang isang tao? Matatanggap ba nila ang katotohanan at magpasakop dito? (Hindi.) Dahil pinipigilan sila ng mga damdamin at madaling naiimpluwensiyahan ng kanilang mga emosyon, nakaaapekto ito sa kanilang pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo sa kanilang mga pagkilos. Nakaaapekto rin ito sa kanilang pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan. Kaya ano ang nakaaapekto sa kanilang kakayahang magsagawa at magpasakop sa katotohanan? Sa pamamagitan ng ano sila napipigilan? Sa kanilang mga damdamin at emosyon. Ang mga bagay na ito ang pumipigil at gumagapos sa kanila. Kapag inuuna mo ang mga personal na relasyon at pansariling interes sa halip na ang katotohanan, ang mga damdamin ang humahadlang sa iyo sa pagtanggap sa katotohanan. Samakatuwid, hindi ka dapat kumilos o magsalita batay sa mga damdamin. Mabuti man o masama ang relasyon mo sa isang tao, o malumanay o istrikto man ang kanilang mga salita, hangga’t naaayon sa katotohanan ang kanilang sinasabi, dapat mong pakinggan at tanggapin ito. Ito ang saloobin ng pagtanggap sa katotohanan. Kung sasabihin mong, “Ang kanyang pagbabahagi ay naaayon sa katotohanan at mayroon din siyang karanasan, ngunit masyado siyang bastos at mayabang, at hindi ito kasiya-siya at hindi komportableng panoorin. Kaya kahit na tama siya, hindi ko ito tatanggapin,” anong uri ng disposisyon ito? Sa madaling salita, isa itong damdamin. Kapag hinaharap mo ang mga tao at mga bagay batay sa sarili mong mga kagustuhan at emosyon, isang damdamin ito, at lahat ng ito ay sumasailalim sa kategorya ng damdamin. Ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa damdamin ay nabibilang sa mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong tiwali ay may damdaming lahat, at lahat sila ay pinipigilan ng kanilang mga damdamin sa iba’t ibang antas. Kapag hindi matanggap ng isang tao ang katotohanan, magiging mahirap para sa kanya na malutas ang suliranin ng mga pakiramdam. May mga taong nagtatakip sa mga huwad na lider, pumoprotekta sa mga anticristo, at nagsasalita at nagtatanggol sa mga masasamang tao. May mga damdaming kasangkot sa lahat ng kasong ito. Siyempre, sa ilang sitwasyon, kumikilos lamang ang mga taong iyon sa ganoong paraan dahil sa kanilang masamang kalikasan. Kailangan ng madalas na pagbabahaginan ang mga suliraning ito upang makakuha ng kalinawan sa mga ito. Maaaring sasabihin ng ilang tao, “May kaunting damdamin lang ako para sa aking pamilya at mga kaibigan, ngunit hindi na sa iba pa.” Hindi eksakto ang pahayag na ito. Kapag nagpakita sa iyo ng kahit na maliit na pabor ang ibang tao, magkakaroon ka ng damdamin para sa kanila. May iba’t ibang antas ng pagkakalapit at ng lalim, ngunit ang mga ito ay damdamin pa rin. Kung hindi malulutas ng mga tao ang kanilang mga damdamin, mahihirapan sila na isagawa ang katotohanan at makamit ang pagpapasakop sa Diyos.

Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa mga kuru-kuro at imahinasyon. Ang ilang kuru-kuro at imahinasyon ay mula sa kinalakihan ng isang tao, ang ilan ay mula sa panlipunang kalagayan, at ang iba pa ay sa edukasyon ng isang tao sa paaralan. Ano-ano ang ipinapamalas ng pakikitungo sa tao at paggawa ng mga bagay ayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng isang tao? Hayaan mong bigyan kita ng halimbawa. Tingnan mo ang sitwasyon ng isang tao na, pagkatapos maniwala nang maraming taon sa Diyos, ay nagawang talikuran ang mga bagay-bagay at gampanan ang kanyang mga tungkulin nang may sigla, at kalaunan ay napili bilang isang lider. Pagkatapos matamo ang bagong katayuang ito, naglaan siya nang mas marami pang lakas sa pagganap sa kanyang mga tungkulin at madalas na nagdaraos ng mga pagtitipon para magbahagi ng katotohanan sa mga tao. Kapag may mga suliranin ang mga kapatid, nilulutas niya agad ang mga ito at may magandang impresyon sa kanya ang lahat. Gayunpaman, pagkatapos maglingkod bilang isang lider sa loob ng ilang panahon, ang taong ito ay nagsimulang gumawa para mapangalagaan ang kanyang katayuan at kapangyarihan, nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanyang sarili sa bawat pagkakataon. Ang pinakamalala sa lahat, itinataguyod at nililinang niya ang mga masasamang tao para maglingkod bilang mga lider at manggagawa. Ang pinakakasuklam-suklam pa, sinisiil at ibinubukod niya ang mga kapatid na naghahangad ng katotohanan. Sa huli, dahil nakagawa siya ng napakaraming masasamang gawa at inabala ang gawain ng iglesia, tinukoy siya bilang isang anticristo at itiniwalag. Nang marinig ang balitang ito, napabulalas ang ilan: “Hindi maaari iyon! Magkasundong-magkasundo kami dati. Matagumpay naming naipalaganap nang magkakasama ang ebanghelyo sa ilang tao. Paano siya naging isang anticristo?” Bumubuo sila ng partikular na mga kuru-kuro tungkol sa pangangasiwa ng sambahayan ng Diyos sa sitwasyon, naniniwalang hindi makatarungan ang naging pagtrato nito sa isang mabuting tao. Sabihin mo sa Akin, bakit nila ipinagtatanggol ang anticristo na ito at nagrereklamo tungkol sa itinuturing na kawalan ng hustisya na ginawa sa taong ito? Dahil pamilyar sila rito—magkakasama silang nagpalaganap ng ebanghelyo dati. Hindi nila inakalang pagkatapos maging isang lider, ipakikita nito ang tunay nitong kulay, gagawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at magiging anticristo. Hindi nila matanggap ang isang bagay na hindi nila inakala. Kaya, sabihin mo sa Akin, hindi ba nila tinitingnan ang taong ito batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon? Napagpasyahan nilang hindi ito maaaring maging isang anticristo batay lamang sa malabong impresyon na mayroon sila rito noon. Tama ba ang ganitong pananaw? Bakit sila mag-iisip ng ganito at gagawa ng ganitong mga konklusyon? Bakit sila padalos-dalos na magbanggit ng opinyon at walang ingat na nagpapasya samantalang hindi nila nauunawaan ang realidad ng sitwasyon? Isang uri ito ng disposisyon. Hinaharap at pinangangasiwaan ng tao ang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay ayon sa kanilang mga imahinasyon—anong klase ng disposisyon ito? Ito ay kalahating pagmamataas at kalahating pagmamatigas. Ang inihahayag mo sa iyong pang-araw-araw na buhay, mga kaisipan at paniniwala mo man, ang mga kilos o prinsipyong sinusunod mo sa pagtrato mo sa ibang tao, ang lahat ng ito ay nanggagaling sa iyong mga tiwaling disposisyon at dapat mong suriin ang mga ito kumpara sa katotohanan. Kung nalilito ka kapag hinihiling sa iyo na gawin ito, mahirap ito; nangangahulugan ito na wala kang anumang kaalaman sa katotohanan. Ano ang epekto na mayroon ang katotohanan? (Kaya nitong lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao.) Paano nito nilulutas ang mga iyon? Dapat mong suriin ang realidad ng iyong pang-araw-araw na mga iniisip, paniniwala, salita, at kilos kumpara sa katotohanan; kapag nakita mong magkatugma ang mga ito, matutukoy mo kung saan nagmumula ang iyong mga problema. Kung hindi mo matukoy ang iyong mga problema, o hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan, at padalos-dalos kang nagsasalita batay sa iyong mga kuru-kuro at imahinasyon, anong klase ng problema ang mayroon ka? Ito ay isang pagmamataas at kawalan ng katwiran, at nauugnay ito sa iyong tiwaling disposisyon. Padalos-dalos kang nagsasalita batay sa mga sarili mong imahinasyon nang hindi inaalam ang mga katunayan, at iniisip pa na, “Hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya—nauunawaan ko.” Ang ibig mo talagang sabihin ay mas malinaw at mas eksakto kang nakakikita kaysa sa iba. Hindi ba ito kayabangan? Hindi ba ito pagmamagaling? Nasa kaloob-looban mo ang ganitong uri ng disposisyon, kaya’t palagi kang nagsasalita at kumikilos batay sa sarili mong mga kuru-kuro at imahinasyon. Halimbawa, sabihin nating gusto ng iglesia na magsagawa ng ilang proyekto at tinanong ka kung magkano ang magagastos dito, at, kahit walang anumang aktwal na pag-unawa sa sitwasyon, agad mong ibinulalas, “Gagastos ka riyan nang hindi bababa sa 100,000 yuan!” Nabigla ang lahat nang marinig nila ito, iniisip na hindi posibleng ganoon ito kamahal, at na marahil ay nagmamalabis ka. Anong mga kahihinatnan ang maaaring danasin ng gawain ng iglesia bilang resulta ng disposisyon mo ng pagsasalita nang padalos-dalos at mga basta-bastang pagbabanggit ng opinyon? Sa realidad, hindi ganoon kamahal ang aabutin para magawa ang trabaho, ngunit sinasabi mong nagkakahalaga ito ng 100,000 yuan—hindi ba ito pagsasalita nang padalos-dalos? Hindi ba’t nagdudulot ito ng pinsala sa iglesia? Isa ba itong mapagkakatiwalaang paraan ng pagsasalita at pangangasiwa ng mga bagay-bagay? Hindi, talagang hindi ito mapagkakatiwalaan. Hinding-hindi magagamit ng sambahayan ng Diyos ang isang taong tulad nito sa sarili nitong gawain. May mapupulot bang aral mula sa sitwasyong ito? Dapat matuto ang isang tao na maging tapat at magsalita nang totoo—ito ang susi sa maayos na pagganap sa kanyang tungkulin. Kung hindi tapat ang isang tao at padalos-dalos magsalita, hindi siya angkop na gumanap sa mga tungkulin, ni hindi siya karapat-dapat na gumanap sa mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kaya, para magampanan nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin, dapat matutunan niya na maging isang tapat na tao, na maging responsable sa lahat ng kanyang sasabihin, at iwasang magsalita nang padalos-dalos, nang hindi nag-iisip, at batay lang sa sarili niyang mga imahinasyon. Dapat tama ang paraan ng pagsasalita ng isang tao at dapat na nakaayon sa mga katunayan ang kanyang mga salita. Ito ay isang aspekto ng realidad ng pagiging isang tapat na tao.

Napagtanto na ba ninyong lahat na mayroon kayong isang mapagmataas na disposisyon? (Oo, minsan ay nagsasalita ako nang labis at nang walang katwiran. Pakiramdam ko ay napakamapagmataas ko at isang aspekto ito ng aking kalikasang diwa.) Kapag natukoy mo na ang mapagmataas mong disposisyon, paano mo ito dapat lutasin? Hindi mo malulutas ang mapagmataas mong disposisyon dahil lang natukoy at natanggap mo ito. Para malutas ang mapagmataas mong disposisyon, kailangan mo munang tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, unawain ang maraming paraan ng pagpapamalas ng mapagmataas mong disposisyon gaya ng sa inilantad ng mga salita ng Diyos, at kung aling satanikong lason ang nagdudulot nito, at tukuyin kung aling mga maladiyablong salita ang lumilihis sa iyo at naging dahilan ng mapagmataas mong disposisyon. Ito ang mga bagay na dapat mong maunawaan. Kapag nilulutas ang iyong mapagmataas na disposisyon, dapat isa-isahin mong gawin ang mga bagay-bagay, lutasin ang mga ito habang nalalantad ang mga ito—sa ganitong paraan, unti-unting malulutas ang mapagmataas mong disposisyon. Ang pinakakaraniwang kalagayang nakikita sa mga nabubuhay sa loob ng isang mapagmataas na disposisyon ay ang kanilang hilig na magsalita batay sa kanilang sariling mga imahinasyon at pagmamalabis—sa paglutas muna sa kalagayang ito ng pagsasalita nang labis maaaring bahagyang mabawasan ang kanilang mapagmataas na disposisyon. Ngayon, paano malulutas ang problema sa paggawa ng mga eksaheradang pahayag batay sa mga imahinasyon ng isang tao? Dapat munang malinaw na maunawaan ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng pagsasalita nang labis batay sa mga imahinasyon ng isang tao. Una, dapat malaman ng isang tao: “Paano umuusbong ang mga imahinasyon? Bakit palaging may mga imahinasyon ang mga tao? Ano ang batayan ng kanilang mga imahinasyon? Kumakatawan ba sa katotohanan ang mga imahinasyong ito? Naaayon ba sa katotohanan ang mga imahinasyong ito?” Pagkatapos, dapat na malinaw na maunawaan ng isang tao ang isyu ng paggawa ng mga eksaheradang pahayag—dapat makilatis niya kung bakit at ano ang pinagmumulan ng mga eksaheradang pahayag na ito, at ang layunin na nais niyang makamit. Kapag natagpuan na ang mga kasagutan sa mga tanong na ito at ang problema ay nalutas ayon sa katotohanan, ang kalagayang ito ng paggawa ng mga eksaheradang pahayag batay sa sariling imahinasyon ay malulutas kahit na paano. Pag-isipan natin, halimbawa, na ang isang lider ay humiling sa iyo na suriin ang isang bagay, pero dahil abala ka sa ibang bagay ay nakalimutan mo itong gawin. Kalaunan, nang tanungin ka ng lider tungkol dito, nagsinungaling ka, sa takot na ikaw ay pupungusan. Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? May dalawang uri ng kalagayan na naglalaro rito: Ang isa ay ang pagsasalita nang padalos-dalos batay sa mga imahinasyon mo; ang isa pa ay ang pagsisinungaling dahil hindi mo alam ang isasagot at natatakot kang mapungusan ka. Kung hindi ka nagsasalita nang padalos-dalos, nagsasabi ka naman ng mga kasinungalingan, at kung hindi ka nagmamayabang at nagmamataas, nagiging mapanlinlang ka naman—ang lahat ng bagay na ito ay nagpapahiwatig ng problema at dapat suriin. Kapag nagsasalita at kumikilos, sa sandaling napagtanto mo na malapit mo nang ibunyag ang iyong tiwaling disposisyon, dapat mong pigilan ang iyong sarili at manalangin sa Diyos sa iyong puso. Kung gayon, paano ka dapat kumilos para maging alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo? Nauugnay ito sa pagsasagawa ng isang tao. (Magsalita nang tapat at sabihin lamang ang nalalaman natin.) Tama ito. Kung hindi mo alam ang sagot, dapat mong sabihin na, “Wala akong kaalaman sa bagay na ito, hindi ko pa ito napag-aaralan.” Ipagpalagay nating iniisip mo na, “Paano kung tanungin ako ng aking lider kung bakit hindi ko pa pinag-aaralan ang isyu at pinungusan niya ako, ano nang dapat kong gawin?” Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo dapat magsagawa sa ganitong sitwasyon? (Kung hindi pa namin napag-aaralan ang isyu, sabihin dapat namin ito. Hindi kami dapat nagsisinungaling dahil lang sa takot kaming mapungusan.) Tama iyon. Kung gusto mong magsinungaling, manlinlang ng tao, o magsalita nang kontra sa mga katunayan dahil lang sa takot kang mapungusan, dapat kang manalangin sa Diyos kung gayon, magnilay-nilay sa iyong sarili, at magsanay na maging tapat na tao. Sa ganitong paraan, ang iyong problema ng pagsasalita batay sa iyong mga imahinasyon ay mababawasan. Gayunpaman, hindi sapat na lutasin lamang ang problemang ito ng pagsasalita batay sa iyong mga imahinasyon—dapat ka ring magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa iyong sarili. Hindi mo lamang dapat kilalanin ang iyong mga tiwaling disposisyon, kundi dapat mo ring maunawaan ang iyong satanikong kalikasan at ang pinagmumulan ng iyong kayabangan. Kung makakamit mo ito, lampas kalahati ka na sa paglutas ng iyong mapagmataas na disposisyon. Kahit paano, hindi ka na magiging mapagmataas at mas magiging mapagpakumbaba ka na sa pagkilos mo. Kung kaya mong magpatuloy pa at lutasin ang problema mo sa pagsasabi ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa iba, kung kaya mong magsalita ayon sa katotohanan at mga katunayan, at maging isang tapat na tao at sabihin kung ano ang nasa isipan mo, malapit ka nang makapamuhay sa wangis ng tao. Kahit paano, magsasalita at kikilos ka na sa mas makatwirang paraan. Ipinakikita nito na hangga’t naghahangad ng katotohanan ang mga tao, nagpapasakop sa gawain ng Diyos, at nananalangin at umaasa sa Kanya, lubos nilang magagawang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Yaong may mga mapagmataas na disposisyon ay kadalasang labis magsalita, palaging iniisip na mas mahusay sila kaysa sa iba; naniniwala silang matayog at kahanga-hangang silang mga tao at ang lahat ay nasa ilalim nila, at nagsasalita at kumikilos sila kung paano man nila gusto. Kung kaya rin nilang gumamit ng anumang paraan upang makamit ang kanilang mga layunin, madalas na nagsisinungaling at nanlilinlang ng iba, kung gayon hindi lamang mapagmataas at palalo ang mga indibiduwal na ito, nagtataglay rin sila ng isang mapanlinlang na disposisyon. Ang paglutas sa isang mapagmataas at palalong disposisyon ay pangunahing nakadepende sa pagkilala sa sarili mong kalikasang diwa, at pagtanto na naging mapagmataas at palalo ka dahil sa pagiging ganap na tiwali at pamumuhay tulad ng isang diyablo at Satanas. Kapag nakikita mo nang malinaw ang bagay na ito, mararamdaman mo na kapag mas mapagmataas ang isang tao, mas sataniko sila. Sa kabilang banda, sa pamamagitan ng pagdanas sa mga kabiguan at dagok sa buhay, mas magiging matino ka. Mas madali bang lutasin ang isang mapagmataas na disposisyon o isang mapanlinlang na disposisyon? Sa realidad, hindi madaling lutasin ang alinman dito, ngunit kung ihahambing sa isang mapanlinlang na disposisyon, medyo mas madaling lutasin ang isang mapagmataas na disposisyon. Mas magiging mahirap na lutasin ang isang mapanlinlang na disposisyon. Dahil ito sa ang mga mapanlinlang na indibiduwal ay puno ng masasamang motibo at layunin kaya’t ang kanilang konsensiya at katwiran ay bigong pigilan sila. Isa itong problema sa kanilang kalikasang diwa. Gayunpaman, gaano man ito kahirap, kung nais ng isang tao na lutasin ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, dapat silang magsimula sa pagsasanay na maging isang tapat na tao. Sa huli, ang pinakasimpleng paraan ng pagsasanay na maging isang tapat na tao ay ang simpleng pagpapahayag ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito, magsalita nang tapat, at magsalita ayon sa mga katunayan. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, “Ang magiging pananalita ninyo ay, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’” (Mateo 5:37). Ang pagiging isang tapat na tao ay nangangailangan ng pagsasagawa ayon sa prinsipyong ito—pagkatapos ng pagsasanay nito sa loob ng ilang taon, tiyak na makikita mo ang mga resulta. Paano kayo magsasanay ngayon ng pagiging isang tapat na tao? (Hindi ko hinahaluan ang aking sinasabi, at hindi ako nanlilinlang ng iba.) Ano ang ibig sabihin ng “hindi panghahalo”? Nangangahulugan ito na ang mga salitang sinasabi mo ay hindi nagtataglay ng mga kasinungalingan o anumang mga pansariling layunin o motibo. Kung nagkikimkim ka ng pandaraya o mga personal na layunin at motibo sa iyong puso, likas na bubuhos ang mga kasinungalingang ito mula sa iyo. Kung wala kang pandaraya o mga pansariling layunin o motibo sa iyong puso, magiging puro ang mga sinasabi mo at hindi magtataglay ng mga kasinungalingan—sa ganitong paraan, ang iyong pakikipag-usap ay magiging: “Oo, oo; Hindi, hindi.” Ang pinakamahalagang bagay ay ang dalisayin muna ang puso ng isang tao. Kapag nadalisay na ang puso ng isang tao, ang pagmamataas at pagiging mapanlinlang ng isang tao ay malulutas. Upang maging isang tapat na tao, dapat lutasin ang mga panghahalo na ito. Kapag nagawa ito, magiging madaling maging isang tapat na tao. Ang pagiging isang tapat ba na tao ay kumplikado? Hindi, hindi ito kumplikado. Anuman ang kalagayan mo sa loob o anumang mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka, dapat mong isagawa ang katotohanan ng pagiging tapat na tao. Kailangan mo munang lutasin ang problema ng pagsasabi ng kasinungalingan—ito ang pinakamahalaga. Una, sa pagsasalita, dapat kang magsanay sa pagsasabi ng kung ano ang nasa isipan mo, pagsasabi ng totoo, ng walang halo, at umiwas sa ganap na pagsisinungaling; ni hindi ka dapat magsabi ng mga salitang may halo, at dapat mong tiyakin na ang lahat ng sinasabi mo sa maghapon ay totoo at tapat. Sa paggawa nito, isinasagawa mo ang katotohanan at isinasakatuparan ang pagiging isang tapat na tao. Kung mapansin mo na ang mga kasinungalingan o may mga halong salita ay bumubuhos sa iyo, pagnilayan mo agad ang iyong sarili, at himayin at magkaroon ng kamalayan sa mga dahilan kung bakit ka nagsisinungaling at kung ano ang nagtutulak sa iyo na magsinungaling. Pagkatapos, batay sa mga salita ng Diyos, himayin ang pangunahin at mahalagang problemang ito. Sa sandaling maging malinaw sa iyo ang ugat ng mga kasinungalingan mo, magagawa mong labanan ang satanikong disposisyong ito sa pananalita at mga pagkilos mo. Hindi ka na magsisinungaling kapag nahaharap sa mga parehong sitwasyon, at makapagsasalita ka na ayon sa mga katunayan at hindi na maglalabas ng mga mapanlinlang na pananalita. Sa ganitong paraan, ang iyong espiritu ay mapakakawalan at makalalaya at magagawa mong mabuhay sa harap ng Diyos. Kung kaya mong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, nabubuhay ka sa liwanag. Gayunpaman, kung patuloy kang nasasangkot sa panlilinlang, nagbabalak at gumagawa ng pakana, palaging nagtatago tulad ng isang magnanakaw sa madidilim na sulok, at palihim na nagsasagawa ng mga gawain mo, kung gayon ay hindi ka mangangahas na mamuhay sa harap ng Diyos. Dahil mayroon kang lihim na mga motibo, palaging gustong linlangin ang iba upang makamit ang sarili mong mga layunin, at nagkikimkim ng napakaraming kahiya-hiya at ubod ng samang mga bagay sa puso mo, palagi mong sinusubukang itago at pagtakpan ang mga ito, binibihisan at itinatago ang mga ito sa balatkayo, ngunit hindi mo maitatago ang mga bagay na ito magpakailanman. Kalaunan, lalantad ang mga ito. Ang isang taong may lihim na mga motibo ay hindi magagawang mabuhay sa liwanag. Kung hindi niya isasagawa ang pagninilay-nilay sa sarili, paghihimay sa kanyang sarili at paglalantad ng kanyang sarili, hindi siya makakawala sa pagpigil at gapos ng kanyang mga tiwaling disposisyon. Mananatili siyang nakakulong sa isang buhay ng kasalanan, na hindi kayang palayain ang kanyang sarili. Sa huli, sa anumang sitwasyon, hindi ka dapat magsinungaling. Kung alam mo na mali ang pagsisinungaling at hindi naaayon sa katotohanan, ngunit ipinipilit mong magsinungaling at manlinlang ng iba, nag-iimbento pa para itago ang mga katunayan at ang realidad ng sitwasyon para iligaw ang mga tao, kung gayon ay sadya kang gumagawa ng maling gawain. Ang ganitong tao ay hindi magkakamit ng kaligtasan mula sa Diyos. Ibinibigay ng Diyos ang katotohanan sa mga tao, ngunit sa huli ay sarili na nilang desisyon kung kaya nilang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Yaong kayang tanggapin ang katotohanan ay magkakamit ng kaligtasan mula sa Diyos, habang yaong mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan at hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi ito makakamit. Alam ng maraming tao na nabubuhay sila sa kanilang mga tiwaling disposisyon at kinikilala na yaong mga namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay hindi maitutulad sa mga tao o mga demonyo man, at bigong mamuhay sa normal na wangis ng tao. Handa silang isagawa ang katotohanan, ngunit hindi nila ito magawa, pakiramdam lang nila ay wala silang lakas. Sa gayong sitwasyon, maaari lamang manalangin ang isang tao sa Diyos at umasa sa Kanya. Kung hindi talaga makikipagtulungan ang mga indibiduwal, hindi gagawa sa loob nila ang Diyos. Tiyak na kapopootan ng mga tunay na nagmamahal sa katotohanan ang kanilang mapanlinlang na disposisyon, lahat ng uri ng personal na layunin, maging ang mga kasinungalingan at panlilinlang. Mas gugustuhin pa nilang magtiis ng pagkalugi sa pamamagitan ng pagsasalita nang tapat kaysa magsinungaling. Mas pipiliin nilang magsalita nang makatotohanan kahit na humantong ito sa paghatol at pagkondena, kaysa patagalin ang pag-iral ng walang dangal na pagsasabi ng kasinungalingan. Yaong mga kayang kamuhian ang mga satanikong disposisyon sa ganitong paraan ay likas na kayang maghimagsik laban sa laman, isagawa ang katotohanan, at magtagumpay sa pagiging tapat na mga tao.

Kumusta ang inyong karanasan sa pagiging tapat na tao ngayon? Nagkamit ba kayo ng ilang resulta? (Minsan, naisasakatuparan kong maging matapat, ngunit minsan ay nakalilimutan ko.) Makalilimutan ba ninyong isagawa ang katotohanan? Kung nakalilimutan ninyo ito, anong uri ng problema ang inilalarawan niyan? Mahal ba ninyo ang katotohanan o hindi? Kung hindi ninyo mahal ang katotohanan, mahihirapan kayong pumasok sa katotohanang realidad. Dapat ninyong seryosohin ang pagsasagawa sa katotohanan at pagsasagawa sa pagiging isang tapat na tao. Dapat madalas ninyong pag-isipan kung paano maging isang tapat na tao at kung anong katwiran ang dapat ninyong taglayin. Hinihiling ng Diyos na maging tapat ang mga tao, at dapat nilang hangarin ang katapatan bilang isang napakahalagang bagay. Dapat maging malinaw sa kanila at maunawaan nila kung anong mga katotohanan ang kailangan nilang taglayin at kung anong mga realidad ang kailangan nilang pasukin upang maging tapat na mga indibiduwal at maisabuhay ang wangis ni Pedro, at dapat silang makahanap ng landas ng pagsasagawa. Saka lamang sila magkakaroon ng pag-asa na maging isang tapat na tao at isang taong mahal ng Diyos. Kung hinahamak mo ang mga tapat na tao, iyong mga nagsasalita nang tapat, lalo na ang mga taong kayang tanggapin at hangarin ang katotohanan, kung palagi kang may panghahamak sa gayong mga tao, kung gayon ay hindi ka nga isang positibong karakter at kabilang ka sa kategorya ng mga buktot na indibiduwal. Kung minamaliit mo ang mga taong tapat na gumaganap ng kanilang mga tungkulin at yaong mga handang magbayad ng halaga upang isagawa ang katotohanan, kung gayon ay naging isang negatibong karakter ka nga, at tiyak na hindi isang positibong karakter. Ang tanong kung ang isang indibiduwal ba ay magkakamit ng kaligtasan ay nauugnay sa kung sila ay isang positibong karakter o hindi. Ang pangunahing dahilan sa pagtukoy kung isang positibong karakter ang isang tao ay nakasalalay sa kanilang mga mithiin at sa mga kagustuhan na mayroon sa kanilang puso. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng positibo at negatibong mga bagay, makapagtalaga ng malinaw na limitasyon, pumanig sa tama, at manindigan sa panig ng Diyos at ng katotohanan. Kung kaya mong gawin ito, magiging ganap na normal ang pag-iisip mo at magiging isa kang tao na may konsensiya at katwiran. Kung palagi mong minamaliit iyong mga naghahangad sa katotohanan, handang magbayad ng halaga, at taos-pusong ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos, kung gayon ay nasa panig ka nga ni Satanas at isang negatibong karakter. Ang ilang tao ay mapanghamak sa mga tapat na indibiduwal at minamaliit sila. Palaging mataas ang tingin nila sa mga taong magaling magsalita, mapagmanipula, at bihasa sa panlilinlang ng iba gamit ang mga mabulaklak na salita, gayundin ang mga nangangaral ng matatayog na sermon mula sa itaas. Kung iyon ang sitwasyon mo, hindi mo magagawang maging isang tapat na tao. Sa halip, gagayahin mo ang mga Pariseo at hindi mo magagawang simulan ang tamang landas ng paghahangad ng katotohanan. Mapapabilang ka sa kategorya ng mapagkunwaring mga Pariseo. Hinahangad ng mga tao ang gusto at ninanais nila. Ano ang kasalukuyan ninyong ninanais sa inyong mga puso? Natatakot Ako na kahit sa inyo ay hindi malinaw kung ano ang inyong gusto. Ang pinagtutuunan ninyo ng pag-ibig at poot ay hindi malinaw na natutukoy at hindi ninyo alam kung sa anong bagay ba ninyo naihanay ang inyong sarili kay Satanas. Minsan, ang mga salita ninyo ay maaaring umaayon sa katotohanan, ngunit sa sandaling kumilos kayo, lumilihis kayo sa katotohanan. Ipinapakita nito na kung wala ang katotohanan, hindi kayo makatatayo nang matatag at patuloy na mag-uurong-sulong, minsan ay hahakbang pasulong at minsan ay paatras. Pagkatapos ninyong makinig sa mga sermon, tila nauunawaan ninyo ang katotohanan, at handa kayong tahakin ang tamang landas. Gayunpaman, pagkatapos ng ilang panahon, namamayani ang kadiliman sa loob ninyo at muli kayong lumilihis ng landas. Kaya bang piliin ng mga gayong tao ang tamang landas? Kahit na mapili nila ito, hindi sila makaapak dito dahil nasa abnormal silang kalagayan. Hindi talaga sila nakauunawa ng anumang katotohanan at sila ay mga litong indibiduwal na maghapong pagala-gala habang tulala. Maaaring sabihin nila na gusto nila ang mabubuting tao, ngunit sa tuwing nakararanas sila ng anumang isyu, minamaliit nila ang mga ito. Maaaring sinasabi nilang gusto nilang maging tapat, ngunit kapag may nangyari sa kanila, mapanlinlang silang aasal. Sinusunod nila ang sinumang namumuno sa kanila, mabuti man o masama—magagawa bang perpekto ng Diyos ang gayong mga tao? Talagang hindi, dahil kulang sila sa mahahalagang kinakailangan. Ang sinumang nangmamaliit ng mabubuting tao, tapat na mga indibiduwal, yaong masigasig na gumaganap sa kanilang mga tungkulin, at yaong mga naghahangad ng katotohanan at handang magbayad at magdusa para dito, ay hindi mabubuting tao mismo. Wala sila ni katiting na konsensiya at katwiran at hindi magkakamit ng kaligtasan. Ang mga taong may mababait na puso at pagmamahal sa katotohanan ay gusto ang mga positibong bagay at nasisiyahan sa pakikipag-ugnayan sa mga positibong tao, na nagdudulot sa kanila ng maraming pakinabang. Sa kabilang banda, yaong mga walang pagmamahal sa mga positibong bagay o positibong indibiduwal ay hindi makakamit ang katotohanan kahit na naniniwala sila sa Diyos. Dahil ito sa ang kanilang mga puso ay hindi nagmamahal sa katotohanan, at hindi nila ito hahangarin. Kahit gustuhin man nila, hindi nila magagawang makamit ang katotohanan.

Katatapos Ko lang magbahagi tungkol sa dalawang paksa: mga damdamin, at mga kuru-kuro at imahinasyon. May isa pa—ang pagkamainitin ng ulo—na isa ring pagpapamalas ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lahat ng tiwaling tao ay mainitin ang ulo. Anong mga pag-uugali ang nagpapakita ng pagkamainitin ng ulo? May mga elemento ba ng damdamin at emosyon na nakapaloob sa pagkamainitin ng ulo? Paano naman ang pagmamataas at pagmamatuwid? Kasama ang lahat ng elementong ito sa pagkamainitin ng ulo—nauugnay ang lahat ng ito sa disposisyon ng isang tao. Paano naman ang, “ngipin sa ngipin, mata sa mata”—isa ba itong halimbawa ng pagkamainitin ng ulo? “Kung hindi ka mabait sa akin, magiging salbahe ako sa iyo,” at “Igigisa ka sa sarili mong mantika,”—mga halimbawa ba ang mga ito ng pagkamainitin ng ulo? (Oo.) Ano pang mga halimbawa ang naiisip ninyo? (“Hindi ako aatake maliban na lang kung inatake ako; kung inatake ako, siguradong gaganti ako ng atake.”) Ang lahat ng ito ay mga halimbawa ng pagkamainitin ng ulo. Hindi lang basta umiinit ang ulo ng mga tao kapag sila ay galit, madalas din silang nagpapakita ng init ng ulo kahit hindi sila galit. Halimbawa, namumuhay ang mga tao sa kanilang mga satanikong disposisyon, at madalas na gustong sumbatan yaong mga nagsasalita sa paraang hindi kasiya-siya sa kanila o kumikilos sa paraang hindi katanggap-tanggap sa kanila, at gustong maghiganti roon sa mga kumikilos sa paraang hindi mabuti sa kanila. Hindi ba ito pagkamainitin ng ulo? (Oo.) Ano pang mga halimbawa ng pagkamainitin ng ulo ang naiisip ninyo? (Pagsasalita o panunumbat sa iba mula sa posisyon ng katayuan.) Kapag ang isang tao ay gumagamit ng kalamangan na ibinigay sa kanya ng kanyang katayuan para gawin ang anuman nais niya, o para ibunton ang galit niya sa iba sa pamamagitan ng panunumbat, mga anyo rin ito ng pagkamainitin ng ulo. Sa katunayan, madalas na naghahayag ng pagkamainitin ng ulo ang mga tao. Karamihan sa mga sitwasyon kung saan hindi naaayon sa katotohanan ang mga salita at kilos ng mga tao ay lumilitaw dahil sa kanilang pagkamakasarili, mga pagnanais, hinanakit, poot, at galit—ang lahat ng bagay na ito ay nagmumula sa pagkamainitin ng ulo. Ang mga paghahayag ng pagkamainitin ng ulo ay hindi lamang nagmumula sa poot, galit, o paghihiganti, at malawak ang sinasaklaw nito, ngunit hindi natin pag-uusapan ang mga detalye ngayon. Mainitin ang ulo ng lahat ng taong tiwali at ang pagkamainitin ng ulo na ito ay nagmumula sa kanilang mga satanikong disposisyon; ang pagkamainitin ng ulo ay hindi naaayon sa katwiran ng normal na pagkatao, lalong hindi ito naaayon sa katotohanan, kaya ang pagkilos ayon sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay pagkamainitin ng ulo. Ang pagganti ba ng masama laban sa masama ay hindi isang anyo ng pagkamainitin ng ulo? (Oo.) Paano naman ang pagganti ng mabuti sa masama? Pagkamainitin din ito ng ulo. Paano naman iyong galit na galit ka na tumatayo na ang mga balahibo mo? Pagkamaintin din ito ng ulo. Ang pagkamainitin ng ulo ay pagtugon lamang sa mga hindi makatwirang isyung nakahaharap mo, na iniisip na, “Kahit ano pa ang maging sitwasyon, ilalabas ko lang ang mga personal kong hinaing ngayon. Anuman ang mga kahihinatnan, o ang mga prinsipyo, o kung kanino man nakadirekta ang aking poot, kailangan kong magpalamig muna”—ito ay pagkamainitin ng ulo. Sa huling pagsusuri, ano nga ba talaga ang pagkamainitin ng ulo? Isa itong tiwaling disposisyon, isang satanikong disposisyon, at kawalan ng pagkamakatwiran. Isang uri ng pagkamabangis ang pagkamainitin ng ulo, ang diwa nito ay isang pagbukal ng kalikasang mabangis, at wala itong kahit na katiting na katwiran ng normal na pagkatao. Ang pagpapakita ng kawalang-katwiran ay kinapapalooban ng pagkawala ng talino at pagpipigil sa sarili ng isang tao, at kawalan ng kakayahang pigilin at kontrolin ang sarili. Pagkamainitin ito ng ulo.

Para mabago ang disposisyon mo, ang pinakapangunahing bagay na dapat mong magawa ay makilala ang mga paraan kung saan ang mga tiwali mong disposisyon ay unang-unang nagpapamalas ng mga sarili nito sa tanglaw ng mga salita ng Diyos, at mamalayan mo kung ano ang iniisip mo at kung ano ang kalagayan mo sa tuwing ibinubunyag mo ang iyong mga tiwaling disposisyon. Sa maraming pagkakataon, ang bawat kalagayan na lumilitaw sa isang tao ay nangyayari dahil sa isang tiwaling disposisyon—sa ilang pagkakataon, maaaring magdulot ng maraming iba’t ibang kalagayan sa iba’t ibang sitwasyon ang isang tiwaling disposisyon. Dapat mong matukoy ang lahat ng ito. Hindi sapat na magkaroon ka lang ng kaunting pag-unawa mula sa iyong pagkakaintindi, kailangan mo ring mahimay at malaman ang ugat ng problema mo, sa anong mga pagkakataon nabubunyag ang mga tiwali mong disposisyon, at anong uri ng problema ito. Matapos maunawaan nang malinaw ang lahat ng ito, malalaman mo ang naaangkop na paraan ng pagsasagawa. Maisasagawa mo ba ang isang bagay dahil lang sa alam mo kung paano mo ito dapat isagawa? (Hindi.) Bakit ganoon? Dahil mayroon kang mga tiwaling disposisyon. Kung ang isang tiwaling disposisyon ay humahadlang sa isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, dapat niyang hanapin ang katotohanan, tanggapin ang pagpupungos ng Diyos, tanggapin ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at lutasin ang kanyang tiwaling disposisyon. Kung gagawin niya ang mga bagay na ito, magiging madali para sa kanya na isagawa ang katotohanan. Ang kakayahan bang magsagawa ng katotohanan ay nagpapahiwatig na nakamit na ng isang tao ang pagbabago? Hindi ganoon. Hindi nangangahulugang hindi na uli lilitaw ang isang tiwaling disposisyon dahil lamang sa nalutas na ito ng isang tao sa isang bagay. Patuloy itong lilitaw, gagambalain at hahadlangan ang pagsasagawa ng katotohanan ng taong iyon, at sa mga ganitong sitwasyon, kakailanganin pa rin nilang hanapin ang katotohanan upang malutas ang tiwaling disposisyong ito. Maaaring malutas ng isang tao ang isang tiwaling disposisyon sa isang bagay, ngunit makalipas ang ilang panahon, posibleng may panibagong tiwaling disposisyon na lumabas sa ibang sitwasyon, at humadlang sa pagsasagawa nila ng katotohanan. Ano ang isyu rito? Ipinahihiwatig nito na ang mga tiwaling disposisyon ay malalim ang pinag-uugatan sa tao, at na kailangan pa rin nilang hanapin ang katotohanan at hanapin sa mga salita ng Diyos ang mga kasagutan sa kanilang mga problema. Sa pamamagitan lamang ng paulit-ulit na paglutas sa kanilang mga tiwaling disposisyon unti-unting magsisimulang humupa ang mga disposisyong ito. Walang tiwaling disposisyon ang malulutas nang isahan—hindi iyon ganoon—kailangan mo munang maunawaan ang katotohanan at matutong kumilala. Dapat mong tanungin ang iyong sarili: “Nasa isang maling kalagayan ako ngayon, paano ito lumitaw? Bakit lilitaw ang ganitong kalagayan sa loob ko? Paano inilalantad ng mga salita ng Diyos ang kalagayang ito? Anong tiwaling disposisyon ang nagdulot ng ganitong kalagayan?” Dapat mong pagnilayan ang mga tanong na ito upang magkaroon ng pag-unawa, at malinaw na mabatid ang mga ito. Kapag naunawaan mo na ang mga tiwali mong disposisyon, magagawa mong maghimagsik laban sa mga ito. Sa ganitong paraan, unti-unting malulutas ang mga hadlang sa pagsasagawa mo ng katotohanan at magiging mas madali para sa iyo na isabuhay ang katotohanan. Ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan ay nangangahulugan ng patuloy na paglutas ng iyong mga tiwaling disposisyon sa ganitong paraan. Unti-unting lalawak at magbubukas ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan at mababawasan ang mga hadlang dito; magkakaroon ka ng kakayahang isagawa ang lahat ng iba’t ibang aspekto ng katotohanan, at paunti nang paunti ang ibinubunyag mong mga tiwaling disposisyon. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na ganap at lubusan mo nang iwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon. Posible na makapagbunyag ka pa rin ng kaunting tiwaling disposisyon sa mga espesyal na sitwasyon, ngunit hindi ka na mapipigilan ng mga ito sa pagsasagawa ng katotohanan. Ito ay pagbabago sa isang mabuting direksyon. Mahaba ang landas ng pagpasok sa buhay, na ibig sabihin, mahaba ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa totoo nating buhay, makikita nating lahat kung paanong ang isang uri ng tiwaling disposisyon ay maaaring humantong sa iba’t ibang kalagayan sa iba’t ibang sitwasyon. Kahit na sa panlabas ay parang tama o mali, positibo o negatibo at salungat ang mga kalagayang ito, maaaring kontrolin ng lahat ng ito ang isang tao sa loob ng ilang panahon, impluwensyahan ang paraan ng kanyang pagsasalita at pagkilos, at apektuhan ang kanyang mga pananaw sa mga bagay-bagay, at kung paano niya tinatrato ang mga tao. Kung gayon, paano lumilitaw ang mga kalagayang ito? Sa realidad, lumilitaw ang lahat ng ito dahil sa satanikong kalikasan ng mga tao at mga tiwaling disposisyon. Sa panlabas, mukhang naiimpluwensiyahan ng mga kalagayan ang mga tao, ngunit, sa totoo lang, ang mga tiwaling disposisyon nila ang kumokontrol sa kanila. Dahil dito, namumuhay ang lahat ng tao ayon sa kanilang panloob na satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon, na nag-aakay sa kanila na lumabag sa katotohanan at lumaban sa Diyos. Kung hindi mo gagamitin ang katotohanan para lutasin ang mga tiwali mong disposisyon at baligtarin ang mga mali mong kalagayan, hindi mo magagawang makawala sa mga hadlang at tanikala ng sataniko mong disposisyon. Halimbawa, sabihin natin na isa kang lider, at may isang tao sa iglesia na angkop para sa isang partikular na tungkulin, ngunit ayaw mo siyang gamitin dahil minamaliit mo siya. Alam mo na hindi ito patas na paraan ng pagtrato sa mga tao, kaya paano mo dapat lutasin ang problemang ito? Dapat mong pag-isipan: “Bakit ganito ang inaasal ko? Bakit ba hindi ako patas sa kanya? Ano ba itong nag-iimpluwensya sa akin?” Wala ba itong laman na mga tiyak na detalye? Ano ang problema rito, sa ayaw mong tratuhin nang patas ang taong ito? Dahil ito sa iyong mga pagkiling, mga kagustuhan, at mga hindi gusto. May mapagmataas na disposisyon ang mga tao, kaya ang mga bagay na ito ay maaaring lumitaw sa loob nila. Kaya walang duda na dahil ito sa mapagmataas mong disposisyon. Ang mapagmataas mong disposisyon ay naging dahilan upang lumitaw ang mga kalagayang ito sa loob mo: minamaliit mo ang taong ito sa iyong puso, ayaw mong magbanggit ng anumang mabuti tungkol sa kanya, o suriin siya sa isang patas at makatarungang paraan, at ayaw mo siyang piliin para sa isang tungkulin kahit na angkop siya para dito—lahat ito ay mga kahihinatnan na dulot ng mapagmataas mong disposisyon. May mapagmataas na mga disposisyon ang mga tao, kaya’t nagkikimkim sila ng kadiliman sa kanilang mga puso, liko ang paningin nila, at may kinikilingan sa kanilang mga pananaw sa mga isyu. Dapat malutas ang mga problemang ito sa pamamagitan ng pagninilay at pagkilala sa sarili. Kung may malinaw kang pananaw at pagkaunawa sa mga tiwali mong kalagayan at tiwaling disposisyon, at kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito, at kaya mong itrato ang mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong baligtarin ang mga pagkiling at maling pananaw mo sa mga tao, at matututong itrato nang patas ang mga tao. Kung gayon, paano mo babaligtarin ang mga ito? Dapat kang lumapit sa Diyos upang manalangin at hanapin ang katotohanan, unawain ang diwa ng mga problemang ito, at matamo ang pag-unawa sa mga layunin ng Diyos. Dapat magkaroon ka ng kahandaang makipagtulungan at maghimagsik laban sa iyong sarili. Dapat mong sabihin sa sarili mo: “Hindi na magiging ganito ang asal ko sa susunod. Maaaring medyo kulang ang kakayahan niya, ngunit kailangan ko siyang itrato kung paano siya dapat itrato. Kung angkop siyang gumampan ng tungkuling ito, dapat ko siyang italaga rito. Kung may maganda akong relasyon sa iba, ngunit hindi sila angkop sa tungkulin, hindi ko sila gagamitin. Sa halip ay siya ang gagamitin ko.” Hindi ba nabaligtad ang kalagayang ito? Hindi ba ito isang paraan ng pagsasagawa? Isang paraan ito ng pagsasagawa. Ngayon paano ka nakapagsagawa sa ganitong paraan? Kung hindi ka nakipagtulungan, at hindi naghimagsik laban sa mga pansarili mong layunin, makakamit mo kaya ang resultang ito? Tiyak na hindi. Kaya naman, mahalaga ang pagtutulungan ng mga tao. Dapat kang tunay na makipagtulungan—ibig sabihin, dapat kang magsikap tungo sa katotohanan, at magsikap sa mga hinihingi ng Diyos. Kung hindi mo pipiliin na kumilos sa ganitong paraan, kung hindi ka magsusumikap patungo sa katotohanan, hindi ka nakikipagtulungan kung gayon. Ang tunay na pakikipagtulungan ay lubos na pagpapasakop sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng saloobin at pagpapasya na magpasakop sa katotohanan na maaari kang maghimagsik laban sa iyong mga personal na layunin, mga kagustuhan, at pangangatwiran. Sa ganitong paraan, maaaring baligtarin ang mali mong kalagayan. Ang pagtrato nang patas sa mga tao ay nangangahulugan na kaya mong tumanggap at magpasakop kapag may ibang nagsasalita ng tama at naaayon sa katotohanan, anuman ang sitwasyon ng taong iyon. Kung palagi kang may mga pagkiling sa isang tao, at minamaliit mo siya, at ayaw mong makipag-usap nang madalas sa kanya kahit na ginamit mo na siya, minamaliit mo pa rin siya sa iyong puso, nang hindi ganap na nababaligtad ang kalagayan mo, nagpapakita ito na nasa loob mo pa rin ang bulok na ugat ng iyong tiwaling disposisyon. Ang isang maliit at walang halagang kalagayan ay maaaring magdulot sa iyo ng labis-labis na pagdurusa—problema ba ito sa disposisyon mo? Problema ito sa kalikasang diwa ng tao. Dapat mong baligtarin ang maling kalagayang ito. Hindi mo dapat limitahan ang taong ito dahil lang sa nalaman mong may ilan siyang kahinaan—sigurado namang mayroon din siyang ilang kagalingan at kalakasan, at dapat kang lalong makipagbahaginan sa kanya at subukang magkaroon nang mas malalim na pag-unawa sa kanya. Kapag nakita mo ang kanyang mga kalakasan at natuklasan na akma ang mga ito para sa nasabing tungkulin, unti-unti mong makikita ang pagiging kasuklam-suklam mo at ang pagiging kahiya-hiya mo, at mapagtatanto na ang pagtatalaga sa kanya sa tungkuling ito at pagtrato sa kanya sa ganitong paraan ay patas at naaayon sa katotohanan. Pagkatapos, mas mapapalagay ang loob mo. Kapag binanggit ang taong ito, mapapalagay ang konsensiya mo, na hindi mo binigo ang Diyos, at na isinagawa mo ang katotohanan. Habang tumatagal, magbabago ang pananaw mo sa taong ito. Paano nakakamit ang lahat ng ito? Ang Diyos ang gumagawa nito—paunti-unting gumagawa sa loob mo ang katotohanan, at binabago at binabaligtad nito ang iyong kalagayan. Subalit ito ay simula pa lamang. Kung muli kang mahaharap sa parehong isyu, walang katiyakan na magagamit mo rin ang parehong pamamaraan na ginamit mo sa naunang tao upang ayusin ito. Maaari kang makaranas ng iba at samot-saring kapaligiran, tao, pangyayari, o maaari kang subukan ng mga bagay kung gaano kalaki ang iyong pagmamahal sa katotohanan, at subukan ang iyong pagpapasya na maghimagsik laban sa iyong mga sariling tiwaling disposisyon at ang iyong sariling kalooban. Ito ay mga pagsubok ng Diyos. Kapag, sa lahat ng iyong pakikitungo sa ibang tao, maging sino man sila, at mabuti man o masama ang inyong relasyon, malapit man sila sa iyo o hindi, sumisipsip man sila sa iyo o hindi, at anuman ang kanilang kakayahan, magagawa mong tratuhin sila nang patas at tumpak, lubos na magbabago ang iyong kalagayan. Kapag ang paraan ng iyong pagtrato sa iba ay hindi nakabatay sa iyong mga imahinasyon, sa iyong mga damdamin, o sa pagiging mainitin ng iyong dugo, nakamit mo na nga ang aspektong ito ng katotohanan. Wala ka pa roon. Ang lahat ng iba’t ibang tiwaling disposisyon sa loob mo ay kinokontrol pa rin ang iyong pag-uugali, kinokontrol ang paraan mo ng pag-iisip at ang iyong isipan. Naging kalikasan mo na ang mga bagay na ito sa loob mo, na kumokontrol sa iyo, at hindi mo pa nagiging buhay ang katotohanan. May kaunti ka lang na mabuting pag-uugali, ngunit sa likod ng mabuting pag-uugaling ito, ang lahat ng iba’t ibang kalagayan at kaisipan na inihahayag mo at kinikimkim mo sa loob ng iyong puso ay nagmumula sa iyong mga tiwaling disposisyon, at kinakalaban ang katotohanan. Kapag ang lahat ng kalagayan at kaisipan mong ito ay naging makatwiran at umayon sa mga prinsipyo at sa katotohanan, hindi na makokontrol ng mga tiwaling disposisyon mo ang mga kaisipan o ang pag-uugali mo—kung gayon nga, tunay nang nagbago ang disposisyon mo. Hindi mo na kakailanganing maghimagsik laban sa iyong mga tiwaling disposisyon o pigilan ang iyong sarili. Magagawa mo nang direktang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Maniniwala kang ito ang dapat mong gawin at iisipin mo na hindi naman talaga mahirap ang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nangyari na ito, nagiging buhay mo na ang katotohanan. Wala pa kayong lahat doon—kailangan pa rin ninyong ipagpatuloy ang paghahangad ninyo sa loob ng ilang panahon. Hindi sapat na kaunting doktrina lamang ang nauunawaan at may kaunting sigasig; napakaliit pa ng tayog ninyo. Dapat ninyong maranasan ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at magsalita tungkol sa inyong patotoong batay sa karanasan at sa inyong tunay na pag-unawa—at magkakaroon ka ng realidad. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tunay na tayog. Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang kakayahang magbigay ng patotoo—masyado pa ring mababaw ang kanilang karanasan, at dapat magbasa pa sila nang mas maraming salita ng Diyos, makinig pa sa mas maraming sermon, at mag-aral pa nang mas maraming himno. Matapos maranasan ang maraming bagay, magkakamit sila ng tunay na pagkaunawa sa mga salita ng Diyos, at madarama na napakapraktikal ng mga salita ng Diyos, kayang-kayang magsilbi bilang buhay ng isang tao, na kayang-kaya nitong ipasabuhay sa mga tao ang tunay na wangis ng tao, at na magagamit ang mga ito bilang tugon sa lahat ng uri ng mga tukso ni Satanas. Tanging ang mga taong nagkamit ng ganitong pag-unawa ang may tayog at tunay na naging mga tao ng Diyos. Maraming tao ang hindi makapagbahagi ng katotohanan o makapagkuwento tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Dahil ito sa hindi pa nila nagiging buhay ang katotohanan, at, bilang resulta, nabubuhay sila sa kapagod-pagod at kaawa-awang mga buhay, nagpapakita sila ng lahat ng uri ng kapangitan, at ang kanilang buhay ay kalunos-lunos. Ano ang naidudulot ng mga tiwaling disposisyon sa mga tao? Nagdadala ang mga ito ng pagdurusa, poot, sama ng loob, pagkanegatibo, pati na pagmamataas, pagmamatuwid, mga kasinungalingan, pandaraya, panlilinlang, at ang paniniwala na ang isang tao ay nakahihigit sa lahat. Kung minsan, nagiging sanhi ang mga ito para ang mga tao ay sumuko sa kawalan ng pag-asa, magsalita nang may maling pangangatwiran, at lumaban. Sa ibang pagkakataon, inaakay ng mga ito ang mga tao na isipin kung gaano sila kaawa-awa, at kung gaano sila nag-iisa at hindi sinusuportahan, at magpakita ng isang kahabag-habag at malungkot na wangis. Naniniwala sa Diyos ang mga tao sa loob ng maraming taon, ngunit hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan, nagsasalita lamang sila ng walang katuturan, at sinasabi nila na sila ay nag-iisa at hindi sinusuportahan. Ang Diyos ang katotohanan, Siya ang suporta ng tao, ngunit hindi umaasa sa Kanya ang mga tao, lumalayo sila sa Kanya, sumusunod sila kay Satanas, at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Hindi ba napakagulo ng mga taong ganito? Ganitong lahat ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan. Yaong mga nakauunawa sa katotohanan ay palapit nang palapit sa Diyos—kung hindi mo nauunawaan at wala kang natamo kahit katiting na katotohanan, kung gayon napakalayo mo sa Diyos, at maaaring hindi ka magkaroon kahit na isang normal na relasyon sa Diyos. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan, at ang katotohanan ay ang naging buhay sa loob mo, kung gayon, nasa iyong puso ang Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at nabigong makamit ito, at hindi mo rin kayang isagawa ang katotohanan, kung gayon hindi mo Diyos ang Diyos at hindi Siya naninirahan sa loob mo. Kung hindi mo maestro ang katotohanan, at hindi ito ang nagdidikta ng lahat ng bagay tungkol sa iyo, katumbas ito ng hindi pagdidikta ng Diyos ng lahat ng tungkol sa iyo. Ibig sabihin, hindi mo ibinigay ang sarili mo sa Diyos, at ikaw pa rin ang namamahala sa iyong buhay. Kung ikaw ang namamahala sa iyong buhay, sino talaga ang namamahala? Ito ay ang mga tiwaling disposisyon mo; hindi ang katotohanan ang namamahala. Kapag hindi mo na kailangang pag-isipang mabuti ang mga salita mo, kilos, pag-uugali, pangangasiwa sa mga bagay, ang paggawa mo sa iyong tungkulin, ang paraan ng pagtrato mo sa mga tao, at maging ang pang-araw-araw mong buhay, kung ano ang iyong kinakain, at kung paano ka manamit, kapag kaya mong pangasiwaan ang lahat ng mga gawain mo ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay namumuhay ka nang may tunay na wangis ng tao at nakamit mo na ang katotohanan.

Sa ngayon, isang bagay na napakahalaga ang pagsasagawa ng katotohanan at mangmang at hangal ang sinumang hindi nagsasagawa nito. Yaong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan ay walang kakayahang maranasan ang gawain ng Diyos—iniisip nila na kailangan mo lamang maniwala sa Diyos upang matamo ang mga pagpapala, at hindi na kailangang isagawa ang katotohanan at magbayad ng halaga. Maraming ganitong uri ng tao sa mundo ng relihiyon. Sa loob ng sambahayan ng Diyos, alam ng karamihan kung paano isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain at inililigtas ang sangkatauhan, at ang mga layunin at kinakailangan ng Diyos para sa mga tao. Paunti nang paunti ang mga tao sa loob ng sambahayan ng Diyos na hindi nagsasagawa ng katotohanan. Sa ngayon, lahat kayo ay nakauunawa pagdating sa doktrina na matatamo lamang ninyo ang disposisyonal na pagbabago at makakamit ang kaligtasan sa pamamagitan ng paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan, ngunit medyo malabo pa rin kayo pagdating sa landas kung paano isagawa ang katotohanan at pumasok sa katotohanang realidad. Bilang resulta, mabagal ang pagpasok ninyo sa buhay. Ang pagsasagawa ng katotohanan ang susi sa pagpasok sa katotohanang realidad—isang malaking problema ang hindi maisagawa ang katotohanan. Ipinangangaral pa rin ba ninyong lahat ang mga salita at doktrina? (Oo.) Kung gayon, pagkatapos ninyong gawin ito, kaya na ba ninyong isagawa ang mga salita at doktrinang ito? Kung hindi ninyo maisasagawa ang mga ito, nagpapatunay ito na hindi pa rin ninyo nauunawaan ang katotohanan, kundi mga doktrina lamang, at hindi ninyo pa rin tinataglay ang katotohanang realidad. Alam ng ilang tao na dapat silang maging tapat, ngunit hindi sila makawala sa mga gapos ng pagsisinungaling at panlilinlang. Sinasabi ng ilang tao na handa silang magpasakop sa Diyos, ngunit kapag pinungusan sila ay hindi nila kayang magpasakop. Nagsasalita ang ibang tao tungkol sa mga doktrina sa paraang mukhang tama, at nagbibigay ng impresyon na nasa kanila ang katotohanang realidad, ngunit wala silang tunay na kaalaman sa kanilang sarili. Ang ibang tao naman ay naniniwala na napaka-espirituwal nila dahil nagagawa nilang magsalita tungkol sa espirituwal na teorya, ngunit hindi nila kayang magkaroon ng tunay na kaalaman sa sarili, at kulang sila ng tunay na pagpapasakop, ito man ay sa kanilang mga tungkulin o sa tuwing nangangasiwa sa mga gawain. Ano ang ugat ng lahat ng isyung ito? Dahil ito sa kawalan nila ng kakayahang tanggapin ang katotohanan. Kung hindi tumatanggap ng katotohanan ang isang mananampalataya sa Diyos, talaga bang naniniwala sila sa Kanya? Kung hindi nila matanggap ang katotohanan, hindi nila malulutas ang alinman sa kanilang mga problema. Tanging yaong mga tumatanggap sa katotohanan ang makapagsasagawa nito at magagawang makilala ang kanilang sarili. Gaano man karaming salita at doktrina ang binibigkas ng isang tao, ang susi ay ang pagsasagawa ng doktrinang iyon, iyan ang pinakamahalaga. Ang mga katotohanang isinasagawa ng isang tao ay ang realidad—kung ang isang tao ay hindi kayang isagawa ang katotohanan, kulang sila sa realidad. Kayang mangaral nang napakalinaw ng ilang tao tungkol sa mga salita at doktrina, ngunit sa totoo lang ay kulang sila sa kalinawan sa maraming katotohanan, hindi nila natutukoy ang ilang bagay, at hindi nila nauunawaan ang mga ito, at napakalimitado ng bilang ng mga katotohanang naisasagawa nila. Bilang resulta, nahihirapan ang gayong mga tao na magsulat ng mga patotoong batay sa karanasan—nakapagsusulat lang sila ng ilang salita at doktrina, nang walang anumang pang-araw-araw na pananalita o praktikal na karanasan. May landas na ba kayo ngayon kung paano dapat lutasin ang isyung ito ng pagbigkas ng mga salita at doktrina? Upang malutas ang isyung ito ng pagbigkas ng mga salita at doktrina, dapat ninyong isagawa ang katotohanan—kapag mas isinasagawa ninyo ang katotohanan, mas nagsisikap kayo sa katotohanan at sa inyong pagsasagawa, mas maraming salita ng karanasan at pagsasagawa ang makukuha ninyo. Kung mas maraming salita ng karanasan at pagsasagawa ang tinataglay ninyo, mas kaunti ang pagbigkas ninyo sa mga salita at doktrina. Paano makakamit ng isang tao ang realidad? Sa proseso ng pagsasagawa ng katotohanan, nagkakaroon ng ilang karanasan ang mga tao at nalalantad sa kanila ang ilang bagay, nagbubunyag sila ng mga tiwaling disposisyon, nagbubunga ng lahat ng uri ng kalagayan, at pagkatapos ay hinahanap nila ang katotohanan, hinihimay ang kanilang iba’t ibang tiwaling kalagayan, at hinahanap ang mga prinsipyo at landas ng pagsasagawa. Nauunawaan at naisasagawa nila ang katotohanan. Ito ang totoong karanasan sa buhay. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at ayaw mo itong isagawa, hindi ka dadaan sa prosesong ito, at kung wala ang prosesong ito ay mabibigo kang magkaroon ng pagpasok sa buhay. Kung marami kang mararanasan sa prosesong ito, magkakamit ka ng isang malinaw na pag-unawa sa katotohanan, magkakaroon ka ng kakayahang malinaw na matukoy ang mga tiwaling disposisyon, at mas magiging malinaw ang landas na dapat mong sundin sa pagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi mo pa napagdaanan ang prosesong ito ng pagsasagawa at pagdanas, at mayroon ka lamang literal, doktrinal na pag-unawa at pag-intindi sa mga salita ng Diyos, kung gayon, ang lahat ng ipangangaral mo ay magiging mga doktrina lamang, dahil may pagkakaiba sa literal mong pag-unawa at aktuwal mong karanasan. Paano lumalabas ang mga doktrina? Kapag hindi isinasagawa ng isang tao ang mga salita ng Diyos at walang karanasan sa buhay, kundi nauunawaan lamang, sinusuri, at ipinapaliwanag ang literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos, at saka ipinangangaral ang mga ito, lumilitaw ang mga doktrina. Maaari bang maging realidad ang mga doktrina? Kung hindi mo isinasagawa o nararanasan ang katotohanan, hinding-hindi mo ito mauunawaan. Ang mga simpleng literal na pagpapaliwanag ng katotohanan ay habambuhay na magiging mga doktrina. Gayunpaman, kung isasagawa mo ang katotohanan, mapapansin at mararamdaman mo na itinatakwil mo ang ilan sa iyong katiwalian, humahakbang ka patungo sa iyong kaligtasan, at lumalapit sa mga hinihingi ng Diyos. Magiginig praktikal ang kaalaman, mga kaisipan, mga ideya, mga damdamin at iba pang bunga niyon. Paano nakakamit ang realidad? Nakakamit ito sa pamamagitan ng karanasan sa pagsasagawa ng katotohanan; kung hindi isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, hinding-hindi siya magkakaroon ng realidad. Marahil sasabihin ng ilang tao, “Hindi ko isinasagawa ang katotohanan, pero nakapangangaral pa rin ako ng mga tunay na sermon.” Maaaring tila tama at ganap na makatotohanan sa iba ang ipinangangaral mo nang sandaling iyon, pero wala pa rin silang daan ng pagsasagawa pagkatapos. Nagpapatunay ito na ang lahat ng nauunawaan mo ay doktrina pa rin. Kung hindi mo isinasagawa ang mga salita ng Diyos at wala kang tunay na karanasan o kaalaman sa katotohanan, kapag ang isang kalagayang hindi mo pa kailanman naisaalang-alang dati ay nangyari sa ibang tao, hindi mo malalaman kung paano ito lulutasin. Kapag bihirang nagsasagawa ng katotohanan ang isang tao, imposible talagang maunawaan nila ito. Sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa pa ng katotohanan nila ito tunay na mauunawaan, at doon lang nila maiintindihan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng katotohanan. Kung wala kang karanasan ng katotohanan, sadyang mga doktrina lang ang maipangangaral mo. Sasabihan mo ang ibang sumunod sa mga regulasyon gaya lang ng ginagawa mo. Kung walang totoong karanasan sa buhay, hindi mo kailanman maipangangaral ang realidad ng katotohanan. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi katulad ng pag-aaral. Ang pag-aaral ay palaging tungkol sa pagsusumikap sa mga salita at pahayag; ayos lang na magsulat lamang ng mga tala, magsaulo, magsuri, at magsiyasat. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay ang eksaktong kabaligtaran; dapat kang umasa sa praktikal na karanasan upang makamit ang mga resulta ng pag-unawa sa katotohanan at ng pangangasiwa ng mga bagay ayon sa mga prinsipyo. Sinumang handang magsagawa ng katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito ay magagawa nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon—kapag mas maraming katotohanan ang kanilang isinasagawa, mas maraming tiwaling disposisyon ang magagawa nilang iwaksi. Yaong mga nakauunawa sa katotohanan ngunit hindi nagsasagawa nito ay hindi kailanman makakawala sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Kaya, ang paghahanap, pag-unawa, at pagsasagawa ng katotohanan ay ang landas sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon.

Disyembre 11, 2017

Sinundan: Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao

Sumunod: Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito