1. Ang Makapangyarihang Diyos ang Nag-iisang Tunay na Diyos na Namumuno sa Lahat ng Bagay

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Lahat ng bagay sa mundong ito ay mabilis na nagbabago kasabay ng mga iniisip ng Makapangyarihan sa lahat at habang Siya’y nakamasid. Biglang dumarating ang mga bagay na kailanma’y hindi pa naririnig ng sangkatauhan, samantalang hindi nila alam na ang mga bagay na matagal na nilang taglay ay unti-unting naglalaho. Walang nakakaarok sa kinaroroonan ng Makapangyarihan sa lahat, lalo nang walang nakakaramdam sa kahusayan at kadakilaan ng Kanyang puwersa ng buhay. Siya ay walang-katulad dahil nadarama Niya ang hindi nadarama ng mga tao. Siya ay dakila dahil Siya Yaong tinatalikuran ng sangkatauhan subalit inililigtas Niya sila. Alam Niya ang kahulugan ng buhay at kamatayan, at higit pa riyan, alam Niya ang mga kautusan sa pag-iral na dapat sundin ng sangkatauhan, na nilikha. Siya ang pundasyon ng pag-iral ng tao, at Siya ang Manunubos na muling binubuhay na mag-uli ang sangkatauhan. Pinalulumbay Niya ang masasayang puso gamit ang kalungkutan at pinasisigla ang malulungkot na puso gamit ang kaligayahan, lahat alang-alang sa Kanyang gawain, at alang-alang sa Kanyang plano.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat

Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng Inang Kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran? … Hindi lamang alam ng sangkatauhan kung sino ang Pinakamakapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, lalo na ang simula at hinaharap ng sangkatauhan. Ang tao ay nabubuhay lamang, nang sapilitan, sa gitna ng batas na ito. Walang makakatakas dito at walang makakapagpabago rito, sapagkat sa lahat ng bagay at sa kalangitan ay Iisa lamang ang nagmumula sa walang hanggan hanggang walang hanggan na nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya Yaong hindi pa nakikita ng tao kailanman, Yaong hindi pa nakikilala ng sangkatauhan kailanman, na kung kaninong pag-iral ay hindi pa napaniwalaan ng sangkatauhan kailanman—gayunma’y Siya ang nagbuga ng hininga sa mga ninuno ng sangkatauhan at nagbigay ng buhay sa sangkatauhan. Siya Yaong nagtutustos at nangangalaga sa sangkatauhan, na nagpapahintulot na siya ay umiral; at Siya Yaong nakagabay sa sangkatauhan hanggang ngayon. Bukod pa rito, Siya at Siya lamang ang inaasahan ng sangkatauhan para sa kaligtasan. Siya ang nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at namumuno sa lahat ng nabubuhay sa sansinukob. Siya ang nag-uutos sa apat na panahon, at Siya ang tumatawag sa hangin, nagyeyelong hamog, niyebe, at ulan. Siya ang nagdadala ng sikat ng araw sa sangkatauhan at nagpapasimula sa gabi. Siya ang naglatag ng kalangitan at lupa, na nagbibigay sa tao ng mga kabundukan, lawa, at ilog at lahat ng nabubuhay roon. Ang Kanyang mga gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. Bawat isa sa mga batas at tuntunin na ito ay sagisag ng Kanyang mga gawa, at bawat isa ay naghahayag ng Kanyang karunungan at awtoridad. Sino ang hindi magpapasaklaw ng kanilang sarili sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? At sino ang hindi magpapasakop ng kanilang sarili sa Kanyang mga disenyo? Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang titig, at bukod pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Ang Kanyang mga gawa at Kanyang kapangyarihan ay nag-iiwan sa sangkatauhan na walang pagpipilian kundi kilalanin ang katunayan na Siya ay totoong umiiral at nagtataglay ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala maliban sa Kanya ang makapag-uutos sa sansinukob, lalong walang makapaglalaan nang walang katapusan para sa sangkatauhang ito. Nagagawa mo mang kilalanin ang mga gawa ng Diyos, at naniniwala ka man sa pag-iral ng Diyos, walang duda na ang Diyos ang nagpapasiya sa iyong kapalaran, at walang duda na palaging tataglayin ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang Kanyang pag-iral at awtoridad ay hindi nakasalalay sa kung ang mga ito ay kinikilala at naiintindihan ng tao o hindi. Siya lamang ang nakakaalam ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng tao, at Siya lamang ang maaaring magpasiya sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya mo mang tanggapin ang katunayan na ito, hindi na magtatagal bago masaksihan ng sangkatauhan ang lahat ng ito sa kanyang sariling mga mata, at ito ang katunayan na malapit nang isagawa ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nabubuhay at namamatay sa ilalim ng mga mata ng Diyos. Ang tao ay nabubuhay para sa pamamahala ng Diyos, at kapag pumikit ang kanyang mga mata sa huling pagkakataon, para din sa pamamahalang ito kaya pumipikit ang mga ito. Ang tao ay dumarating at umaalis nang paulit-ulit, paroo’t parito. Walang eksepsyon, lahat ng ito ay bahagi ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang disenyo. Ang pamamahala ng Diyos ay hindi kailanman tumigil; ito ay patuloy na sumusulong. Papangyayarihin Niyang malaman ng sangkatauhan ang Kanyang pag-iral, pagtiwalaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, mamasdan ang Kanyang mga gawa, at magbalik sa Kanyang kaharian. Ito ang Kanyang plano, at ang gawain na Kanyang pinamamahalaan sa loob ng libu-libong taon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Ang daan ng buhay ay hindi isang bagay na maaaring magkaroon ang kahit na sinuman, ni hindi rin ito isang bagay na madaling matamo ng sinuman. Ito ay sapagkat maaari lamang magmula sa Diyos ang buhay, ibig sabihin, tanging ang Diyos Mismo lamang ang may taglay sa diwa ng buhay, at tanging ang Diyos Mismo lamang ang may daan ng buhay. Kaya tanging ang Diyos lamang ang pinagmumulan ng buhay, at ang bukal na may patuloy na umaagos na buhay na tubig ng buhay. Magmula noong nilikha Niya ang mundo, marami nang nagawang gawain ang Diyos na may kinalaman sa sigla ng buhay, marami na Siyang nagawang gawain na nagbibigay-buhay sa tao, at nagbayad Siya ng napakalaking halaga upang magkamit ng buhay ang tao. Ito ay sapagkat ang Diyos Mismo ang buhay na walang hanggan, at ang Diyos Mismo ang daan kung saan muling binubuhay ang tao. Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pag-iral ng tao, at isang mayamang mapagkukunan para sa pag-iral ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Siya ang sanhi upang muling isilang ang tao, at binibigyang-kakayahan Niya itong isabuhay nang masigasig ang bawat papel nito. Salamat sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa sunud-sunod na mga salinlahi, at sa lahat ng ito’y ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pangunang sandigan sa pag-iral ng tao, at binayaran ng Diyos ang halagang hindi pa kailanman nabayaran ng isang karaniwang tao. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; higit pa rito, higit ito sa alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, higit sa karaniwan ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikha o puwersa ng kaaway ang Kanyang puwersa ng buhay. Umiiral ang puwersa ng buhay ng Diyos at pinagniningning ang makinang nitong liwanag anuman ang oras o lugar. Maaaring sumasailalim sa malalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang buhay ng Diyos ay ganoon pa rin magpakailanman. Maaaring lumilipas ang lahat ng bagay, ngunit mananatili pa rin ang buhay ng Diyos, sapagkat ang Diyos ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay at ang ugat ng kanilang pag-iral. Nanggaling sa Diyos ang buhay ng tao, dahil sa Diyos kaya mayroong kalangitan, at dahil sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos kaya mayroong mundo. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang takasan ang nasasakupan ng awtoridad ng Diyos. Sa ganitong paraan, maging sino man sila, dapat magpasakop ang lahat sa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, dapat mamuhay ang lahat sa ilalim ng pamamahala ng Diyos, at walang sinuman ang makatatakas mula sa Kanyang mga kamay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan

Bago nilikha ang sangkatauhang ito, umiiral na ang kosmos—ang lahat ng planeta at ang lahat ng bituin sa kalangitan. Sa malawakang antas, palagiang umiikot ang mga bagay na ito sa kalangitan, sa ilalim ng kontrol ng Diyos, sa kabuuan ng pag-iral ng mga ito, gaano man karami ang mga nagdaang taon. Kung anong planeta ang pupunta sa kung saan sa kung anong tiyak na oras; kung anong planeta ang gagawa ng kung anong gawain, at kailan; kung anong planeta ang iikot sa kung anong landas ng planeta, at kung kailan ito maglalaho o mapapalitan—lahat ng bagay na ito ay nagpapatuloy nang walang bahagya mang pagkakamali. Ang mga posisyon ng mga planeta at ang mga agwat sa pagitan ng mga ito ay sumusunod sa mahigpit na mga disenyo, na mailalarawang lahat ng tumpak na mga datos; ang mga landas na kanilang tinatahak, ang bilis at mga disenyo ng kanilang mga orbit, ang mga panahon na ang mga ito ay nasa iba’t ibang posisyon—ang lahat ng ito ay makakayang bilangin at ilarawan ng mga natatanging batas. Sa loob ng napakahabang panahon, sumunod ang mga planetang ito sa mga batas na ito, nang walang bahagya mang paglihis. Walang kapangyarihan ang may kakayahang baguhin o gambalain ang kanilang mga landas o ang mga disenyong kanilang sinusundan. Sapagkat naitadhana na ng awtoridad ng Lumikha ang natatanging mga batas na namamahala sa galaw ng mga ito at ang tumpak na mga datos na naglalarawan sa mga ito, kusang sinusunod ng mga ito ang mga batas na ito, sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Lumikha. Sa malawakang antas, hindi mahirap para sa tao ang matuklasan ang ilang disenyo, ilang datos, at ilang naiiba at di-maipaliwanag na mga batas o di-karaniwang kaganapan. Bagama’t hindi tinatanggap ng sangkatauhan na mayroong Diyos, o ang katunayan na ang Lumikha ang gumawa at may kapamahalaan sa lahat ng bagay, at bukod pa rito ay hindi kinikilala ang pag-iral ng awtoridad ng Lumikha, patuloy na higit pang natutuklasan ng mga siyentipiko, astronomo, at pisiko na ang pag-iral ng lahat ng bagay sa sansinukob, at ang mga prinsipyo at mga disenyo na nagtatakda ng kanilang mga pagkilos, ay pinamamahalaan at kinokontrol na lahat ng isang malawak at di-nakikitang madilim na enerhiya. Ang katotohanang ito ang pumipilit sa tao na harapin at kilalanin na may Isang Makapangyarihan sa gitna ng mga disenyong ito ng pagkilos, na nagsasaayos sa lahat ng bagay. Hindi pangkaraniwan ang Kanyang kapangyarihan, at bagama’t walang sinuman ang nakakakita sa Kanyang tunay na mukha, Siya ang namamahala at kumukontrol sa lahat ng bagay sa bawat saglit. Walang tao o lakas ang may kakayahang lumampas sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Dahil nahaharap sa ganitong katotohanan, dapat kilalanin ng tao na ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay ay hindi makakayang kontrolin ng mga tao, hindi makakayang baguhin ninuman; dapat din niyang tanggapin na hindi makakayang ganap na unawain ng mga nilikhang tao ang mga batas na ito; at ang mga ito ay hindi likas na nangyayari, bagkus ay ipinag-uutos ng isang Kataas-taasang Kapangyarihan. Ang lahat ng ito ay pagpapahayag ng awtoridad ng Diyos na maaaring makita ng sangkatauhan sa malawakang antas.

Sa pangmaliitang antas, lahat ng bundok, ilog, lawa, dagat, at kalupaan na maaaring makita ng tao sa lupa, lahat ng nararanasan niyang panahon, lahat ng bagay na naninirahan sa mundo, kabilang na ang mga halaman, hayop, mikroorganismo, at mga tao, ay napaiilalim sa kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at kontrol ng Diyos, lahat ng bagay ay nalilikha o naglalaho ayon sa Kanyang mga saloobin; lumilitaw ang mga batas na namamahala sa pag-iral ng mga ito, at lumalago at dumarami ang mga ito sa pagtalima sa mga batas na ito. Walang tao o bagay na hindi saklaw ng mga batas na ito.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, nagtakda Siya ng mga hangganan para sa mga bundok, kapatagan, disyerto, burol, ilog, at lawa. Sa lupa ay may mga bundok, kapatagan, disyerto, at burol, gayundin ang iba’t ibang anyo ng tubig. Hindi ba iba’t ibang kalupaan ang mga ito? Ang Diyos ay nagtakda ng mga hangganan sa pagitan ng mga ito. Kapag binabanggit natin ang pagtatakda ng mga hangganan, nangangahulugan ito na ang mga bundok ay may mga balangkas, ang mga kapatagan ay may kani-kanilang mga balangkas, ang mga disyerto ay may ilang mga limitasyon, at ang mga burol ay may isang tiyak na lugar. Mayroon ding tiyak na dami ang mga anyong tubig gaya ng mga ilog at mga lawa. Iyon ay, nang likhain ng Diyos ang lahat ng bagay, hinati-hati Niya ang lahat nang buong linaw. … Sa loob ng iba’t ibang kalupaang ito at heograpikal na mga kapaligiran na nilikha ng Diyos, pinamamahalaan Niya ang lahat ng bagay sa planado at maayos na paraan. Kaya lahat ng heograpikal na mga kapaligirang ito ay umiiral pa rin at ginagampanan ang kanilang itinakdang layunin matapos ang ilang libong taon, maging sampu-sampung libong taon simula nang likhain sila ng Diyos. Bagama’t may ilang pagkakataon na pumuputok ang mga bulkan, at ilang pagkakataon na nangyayari ang paglindol, at mayroong mga malakihang paggalaw ng lupa, tiyak na hindi hahayaan ng Diyos ang anumang uri ng kalupaan na mawala ang kaukulang layunin nito. Ito ay dahil lamang sa pamamahalang ito ng Diyos, sa Kanyang pamamahala at kontrol sa mga batas na ito, na ang lahat ng ito—lahat ng ito na nakikita at tinatamasa ng sangkatauhan—ay mabubuhay sa lupa sa maayos na paraan. …

…………

… maliban sa pagtatatag ng mga hangganan para sa iba’t ibang heograpikal na kapaligiran, gumawa rin ang Diyos ng mga hangganan at nagtatag ng mga batas para sa iba’t ibang mga ibon at hayop, isda, insekto, at lahat ng halaman. Dahil sa pagkakaiba sa pagitan ng iba’t bang heograpikal na kapaligiran at dahil sa pag-iral ng iba’t ibang heograpikal na kapaligiran, ang iba’t ibang uri ng mga ibon at hayop, isda, insekto, at halaman ay may iba’t ibang mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay. Ang mga ibon at ang mga hayop at ang mga insekto ay namumuhay kasama ng iba’t ibang halaman, ang isda ay naninirahan sa tubig, at ang mga halaman ay tumutubo sa lupa. … lahat ng bagay na nilikha ng Diyos—nakapirmi man ang mga ito sa isang lugar o nakakahinga man sa mga butas ng ilong nito—ay may mga sariling batas para patuloy na mabuhay. Bago pa man nilikha ng Diyos ang buhay na mga nilalang na ito, nakapaghanda na Siya para sa mga ito ng sarili nilang tahanan at sariling kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito. Ang buhay na mga nilalang na ito ay may sariling nakapirming mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay, sarili nilang pagkain, sarili nilang permanenteng mga tahanan, at ang mga ito ay may sariling permanenteng mga lugar na angkop para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito, mga lugar na may mga temperatura na angkop para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito. Samakatuwid, hindi na makakagala ang mga ito kung saan-saan o mailalagay sa alanganin ang patuloy na pamumuhay ng sangkatauhan o makakaapekto sa buhay ng mga tao. Sa ganitong paraan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng bagay, nagbibigay sa sangkatauhan ng pinakamainam na kapaligiran para patuloy na mabuhay. Bawat isa sa buhay na mga nilalang sa gitna ng lahat ng bagay ay mayroong pagkaing panustos-buhay sa loob ng sarili nitong mga kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay. Sa pamamagitan ng pagkaing iyon, ang mga ito ay napipirmi sa katutubong kapaligiran para sa patuloy na pamumuhay ng mga ito. Sa gayong uri ng kapaligiran, ang mga ito ay patuloy na nabubuhay, nagpaparami, at sumusulong alinsunod sa mga batas na itinatag ng Diyos para sa mga ito. Dahil sa ganitong uri ng mga batas, dahil sa pagtatalaga ng Diyos, lahat ng bagay ay namumuhay nang mapayapa kasama ang sangkatauhan, at ang sangkatauhan ay nabubuhay nang magkakasama na umaasa sa isa’t isa sa lahat ng bagay.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IX

Sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mong gampanan ang iyong tungkulin. Para sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong pinagmulan, at anumang paglalakbay ang nasa iyong harapan, walang makakaiwas sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon. Mula nang umiral ang tao, iyon na ang ginagawa ng Diyos, pinamamahalaan ang sansinukob, pinangangasiwaan ang mga panuntunan ng pagbabago para sa lahat ng bagay at kung paano gagalaw ang mga ito. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na nabubuhay siya sa ilalim ng pangangasiwa ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay.

Habang tahimik na sumasapit ang gabi, walang malay ang tao, dahil hindi mahiwatigan ng kanyang puso kung paano sumasapit ang dilim, ni kung saan ito nagmumula. Habang tahimik na lumilipas ang gabi, sinasalubong ng tao ang liwanag ng araw, ngunit tungkol sa kung saan nagmula ang liwanag, at kung paano nito naitaboy na ang dilim ng gabi, mas hindi ito alam ng tao, at lalong wala siyang malay riyan. Ang paulit-ulit na pagsasalitan ng araw at gabi ay dinadala ang tao mula sa isang panahon tungo sa isa pa, mula sa isang konteksto ng kasaysayan tungo sa sumunod, habang tinitiyak din na ang gawain ng Diyos sa bawat panahon at ang Kanyang plano para sa bawat kapanahunan ay isinasagawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Simula nang likhain ang mundo, nasimulan Ko nang paunang itadhana at piliin ang grupong ito ng mga tao, na ngayon nga ay kayo. Ang inyong pag-uugali, kakayahan, anyo, tayog, pamilya kung saan kayo isinilang, ang iyong trabaho at pag-aasawa—ang kabuuan mo, maging ang kulay ng iyong buhok at balat, at ang oras ng iyong kapanganakan—ay isinaayos lahat ng Aking mga kamay. Maging ang mga bagay na ginagawa mo at ang mga taong nasasalubong mo bawat araw ay isinaayos ng Aking mga kamay, pati na rin ang katunayang ang pagdadala sa iyo sa Aking presensiya ngayon sa totoo lang ay Aking pagsasaayos. Huwag mong guluhin ang iyong sarili; dapat magpatuloy ka nang mahinahon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 74

Ang mga kapalaran ng sangkatauhan at ng sansinukob ay malapit na nakaugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, di-maihihiwalay sa mga pagsasaayos ng Lumikha; sa katapusan, ang mga ito ay hindi maaaring maihiwalay mula sa awtoridad ng Lumikha. Sa mga batas ng lahat ng bagay nagsisimulang maunawaan ng tao ang mga pagsasaayos ng Lumikha at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; sa mga patakaran ng pananatiling buhay ng lahat ng bagay ay nararamdaman niya ang pamamahala ng Lumikha; sa mga kapalaran ng lahat ng bagay siya nakakakuha ng mga konklusyon tungkol sa mga paraan ng Lumikha ng paggamit ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at kontrol sa kanila; at sa mga siklo ng buhay ng mga tao at ng lahat ng bagay, tunay na nararanasan ng tao ang pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha sa lahat ng bagay at mga nabubuhay na nilalang, upang masaksihan kung paano nangingibabaw ang mga pagsasaayos at paghahandang iyon sa lahat ng batas, patakaran, at institusyon sa lupa, at lahat ng iba pang kapangyarihan at puwersa. Dahil dito, napipilitan ang sangkatauhan na tanggapin na hindi maaaring labagin ng sinumang nilalang ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na walang puwersa ang maaaring umagaw o bumago sa mga pangyayari at mga bagay na itinadhana ng Lumikha. Sa ilalim ng mga banal na batas at mga patakarang ito nabubuhay at nagpaparami ang mga tao at ang lahat ng bagay sa bawat salinlahi. Hindi ba ito ang tunay na sumasagisag sa awtoridad ng Lumikha?

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

(Isang Piniling Kabanata ng Salita ng Diyos)

Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng tagubilin ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa tagubilin ng Diyos at hindi para sa matuwid na kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa’y makakaramdam ng pagiging hindi karapat-dapat sa mga taong naging martir para sa tagubilin ng Diyos, at mas hindi karapat-dapat sa Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.

Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi’t araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi mailalabas mula sa mga disenyo ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bayan o bansa ay nangyayari ayon sa mga disenyo ng Diyos. Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng isang bayan o bansa, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bayan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, magsisi at mangumpisal sa harap ng Diyos, at kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.

Magbalik-tanaw sa panahon ng arko ni Noe: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, ang mga tao ay lumayo sa pagpapala ng Diyos, hindi na pinangangalagaan ng Diyos, at nawalan ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay nanirahan sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Kaya sila ay naging likas na mahalay at hinayaan ang kanilang sarili na mauwi sa kakila-kilabot na kasamaan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na nila karapat-dapat na masaksihan ang mukha ng Diyos, o kaya ay marinig ang tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran nila ang Diyos, isinantabi ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan ang mga turo ng Diyos. Ang kanilang puso ay lumihis papalayo nang papalayo mula sa Diyos, at dahil dito, sila ay naging ubod ng sama nang higit pa sa lahat ng katwiran at pagkatao, at lalo pang nagiging masama. Kaya sila ay naging mas malapit sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Kanyang itinayo ang arko ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, pinakawalan ng Diyos ang Kanyang pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pitong miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkawasak, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.

Pagkatapos ay tumingin sa kasalukuyang panahon: Ang matuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpakita pa rin ng magandang-loob sa sangkatauhang ito, at pinawalang-sala pa rin sila sa huling panahong ito. Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang atas, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasingmasunurin ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na lumapit sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamatuwid na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga mithiin, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay matuwid, o kaya ay tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay para sa paggamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang ilayo sa tao ang pag-iingat ng Diyos, at na ginagawa ito upang itatwa ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan hindi matatagpuan ng tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.

Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at walang kabuluhan. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa doktrina na ang Diyos ay umiiral at namamahala sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung walang patnubay ng Diyos, gaano man pakaisipin ng mga pinuno at sosyolohista na maingatan ang sibilisasyon ng tao, ito ay walang kabuluhan. Walang sinuman ang makapupuno ng kawalan sa puso ng tao, dahil walang sinuman ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa kawalan na nagpapahirap sa kanya. Agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, paglilibang, kaginhawahan, ang mga ito ay nagdadala lamang ng pansamantalang pahinga sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa kawalang katarungan ng lipunan. Hindi mababawasan ng mga bagay na ito ang pagnanasa at hangarin ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ng tao ay maaari lamang humantong sa mas marami pang pagdurusa at maaari lamang maging dahilan upang ang tao ay umiral sa hindi nagbabagong kalagayan ng pagkatakot, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan, o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap. Maging ang agham at kaalaman ay kinatatakutan ng tao, at higit na kakatakutan ang pakiramdam ng kawalan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bayan o sa isang bayan na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan. Mas lalo ka pang walang kakayahang takasan ang nakalilitong diwa ng kawalan. Ang ganitong mga pangyayari, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga di-pangkaraniwang pangyayari sa lipunan, ngunit walang dakilang taong maaaring lumitaw upang lutasin ang naturang mga problema. Ang tao, kung sabagay, ay tao, at ang posisyon at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang sangkatauhan ay hindi lang basta nangangailangan ng isang makatarungang lipunan kung saan lahat ng tao ay kumakain nang sapat at pantay-pantay at malaya. Ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagbibigay ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang ibinibigay na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang mga pangangailangan, kasabikang tumuklas, at espirituwal na kawalan ng tao. Kung ang mga tao ng isang bayan o ng isang bansa ay hindi makatatanggap ng pagliligtas at pag-aalaga ng Diyos, tatahakin ng bansa o bayang iyon ang landas tungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at lilipulin ito ng Diyos.

Marahil ang iyong bayan ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung pinapayagan mo ang iyong mga tao na lumihis papalayo sa Diyos, matatagpuan ang iyong bayan na unti-unting pinagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos. Ang sibilisasyon ng iyong bayan ay lalong tatapak-tapakan, at hindi magtatagal ang mga tao ay titindig laban sa Diyos at susumpain ang Langit. Kung kaya’t, lingid sa kaalaman ng tao, ang kapalaran ng isang bayan ay mauuwi sa pagkawasak. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bayan upang harapin ang mga bayang naisumpa ng Diyos, at maaaring alisin pa nga ang mga ito sa ibabaw ng lupa. Ang pagbangon at pagbagsak ng isang bayan o bansa ay batay sa kung ang mga tagapamahala nito ay sumasamba sa Diyos, at kung inaakay nila ang kanilang mga tao na maging mas malapit sa Diyos at sambahin Siya. Gayunman, sa huling kapanahunang ito, dahil sa ang mga taong tunay na naghahangad at sumasamba sa Diyos ay mas lalong dumadalang, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bayan kung saan ang Kristiyanismo ay ang relihiyon ng estado. Tinitipon Niya ang mga bansang ito upang bumuo ng iilang matuwid na kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng matuwid na kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan Siya maaaring magsagawa ng Kanyang gawain, kundi may mga bayang nakakamtan na maaaring magpatupad ng matuwid na awtoridad, na magpapataw ng mga pagbabawal at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Ngunit sa kabila nito, wala pa ring mga tao na lumalapit upang sumamba sa Diyos, sapagkat ang tao ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ng tao ang Diyos sa loob ng matagal na panahon. Ang nanatili lamang sa lupa ay ang mga bayan na nagpapatupad ng katuwiran at lumalaban sa kawalan ng katuwiran. Ngunit ito ay malayo mula sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang namumuno sa bayan ang papayagan ang Diyos na mamuno sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ang magtitipon ng kanyang mga tao upang sambahin ang Diyos; nawala ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bayan, bansa, namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang matuwid na pwersa sa mundong ito, ang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay marupok. Kung wala ang pagpapala ng Diyos, ang larangan ng politika ay babagsak sa kaguluhan at hindi makakaya ang isang hagupit. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katulad ng kawalan ng araw. Gaano man kasipag ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, walang pag-aalintana na kahit gaano karaming matuwid na pagpupulong ang isagawa ng sangkatauhan nang sama-sama, wala sa mga ito ang babaligtad sa alon o babago sa kapalaran ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bayan kung saan ang mga tao ay pinapakain at dinaramitan, kung saan sila ay magkakasamang nabubuhay nang matiwasay, ay isang mahusay na bayan, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Siya ay naniniwala na ang isang bayan kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay dapat Niyang lipulin. Ang paraan ng pag-iisip ng tao ay labis na sumasalungat sa paraan ng pag-iisip ng Diyos. Dahil dito, kung ang pinuno ng isang bansa ay hindi sumasamba sa Diyos, ang kapalaran ng bansang ito ay magiging isang trahedya, at ang bansa ay walang patutunguhan.

Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, gayon pa man ang kapalaran ng isang bayan o bansa ay pinamamahalaan ng Diyos. Pinamamahalaan ng Diyos ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng tao at ang plano ng Diyos ay may malapit na ugnayan, at walang tao, bayan o bansa ang hindi saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang humarap sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya’y magdadala ng pagbagsak at pagkalipol sa mga taong lalaban at tatanggi sa Kanya.

Alalahanin ang pangyayari sa Bibliya nang wasakin ng Diyos ang Sodom, at isipin din kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain kung paano nagsisi ang mga tao ng Ninive sa kanilang mga kasalanan na suot ang tela ng sako at abo, at gunitain kung ano ang sumunod matapos ipapako ng mga Hudyo si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga Hudyo ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas patungo sa mga bayan sa buong mundo. Marami ang pinatay, at ang buong bansang Hudyo ay napasailalim sa wala pang katulad na pasakit dahil sa pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa ng isang kahindik-hindik na kasalanan—at inudyukan ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang mga kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Hinatulan nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, kung kaya’t sila ay nagkaroon lamang ng isang kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinala ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa mundo upang gawin ang Kanyang gawain. Ang Kanyang unang hinintuan ay ang halimbawa ng mga diktador na pamumuno: ang China, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong iyon, Siya ay tinutugis ng namumunong partido ng China sa lahat ng paraan at sumailalim sa matinding pagdurusa, walang lugar sa pamamahinga ng Kanyang ulo at hindi makahanap ng sisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang binabalak: Binibigkas Niya ang Kanyang tinig at ipinapalaganap ang ebanghelyo. Walang sinuman ang makakaarok sa pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos. Sa China, isang bansa na itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang mga gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Siya na lumalabag sa gawain ng Diyos ay ipadadala sa impiyerno; anumang bayan na sumusuway sa gawain ng Diyos ay wawasakin; anumang bansa na tumututol sa gawain ng Diyos ay mabubura sa daigdig na ito, at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bansa, lahat ng bayan, at maging lahat ng industriya na makinig sa tinig ng Diyos, masdan ang gawain ng Diyos at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, upang magawa ang Diyos na pinakabanal, pinaka-kagalang-galang, pinakamataas, at tanging pag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at magbigay-daan sa buong sangkatauhan upang mamuhay sa ilalim ng pagpapala ng Diyos, tulad ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad nina Adan at Eba, na orihinal na ginawa ng Diyos, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at makatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga tao namang hindi ay sasailalim sa napakalaking kapahamakan at karapat-dapat sa kaparusahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Sinundan: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo

Sumunod: 2. Ang Makapangyarihang Diyos ang Nagbalik na Panginoong Jesus

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito