15. Pagkatapos ng mga Kasinungalingan

Ni Chen Shi, Tsina

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos yaong mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, at kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos yaong mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Sinabi rin ng Panginoong Jesus, “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anomang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit(Mateo 18:3). Makikita natin mula sa mga salita ng Diyos na Siya ay may tapat na kalooban, na gusto Niya ang matapat at kinamumuhian ang mapanlinlang, at mga matapat na tao lang ang maililigtas at makakapasok sa kaharian sa langit. Kaya naman paulit-ulit na inuutos ng Diyos na tayo ay maging matapat, at lutasin natin ang ating mga nagsisinungaling at mapanlinlang na motibo. Pero sa tunay na buhay, kapag may naging banta sa aking reputasyon at katayuan, hindi ko mapigilang magsinungaling at maging mapanlinlang. Kung wala ang paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, kung wala ang Kanyang pagkastigo at pagdidisiplina, hindi ako kailanman tunay na nakapagsisi, tumalikod mula sa mga kasinungalingan, at hindi ko kailanman naisagawa ang katotohanan bilang isang matapat na tao.

Noong nakaraang ilang taon, ginagampanan ko ang tungkulin ng isang pinuno ng simbahan. Isang araw, sinabihan ako ng aking pinuno na dumalo sa isang pagtitipon ng mga kasamahan sa trabaho. Sobrang saya ko. Naisip ko kung gaano ako nagtrabaho nang husto sa simbahan kamakailan, at nagdaos ng mga pagtitipon at nakibahagi araw-araw, at karamihan sa mga kapatid ay aktibong abala sa kanilang tungkulin. Maraming nagawa ang ilang grupo, kaya naisip kong tiyak na magiging pagkakataon ang pagtitipon na ito para mapansin ako. Maipapakita ko sa pinuno at mga kasamahan sa trabaho kung gaano ako kahusay, na mas magaling ako kaysa sa iba. Nang dumating ako, nakita kong nag-aalalang nakasimangot si Sister Liu, at may pagbuntong-hininga niyang sinabi, “Kumusta ang iyong gawain ng pagdidilig at pagsuporta sa mga kapatid? Nahihirapan kami. Nagkukulang siguro ako sa realidad ng katotohanan. Napakaraming isyu ang hindi ko lang talaga malutas.” Ngumiti ako at sinabi, “Maayos naman ang gawain ng pagdidilig sa aming simbahan, talagang mas mabuti kaysa sa dati.” Noon di’y pumasok ang pinuno at nagsimulang magtanong tungkol sa mga gawain ng pagdidilig sa mga simbahan. Naisip kong pagkakataon ko nang sumikat, kaya kailangan kong magpakitang-gilas. Ang nakakagulat, hindi niya kami tinanong tungkol sa aming mga tagumpay sa gawain ng pagdidilig, pero nagtanong siya tungkol sa kung anong mga nangyaring problema, kung paano nalutas ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan, at kung aling mga problema ang hindi pa nalutas. Nataranta ako. Karaniwang inoorganisa ko lang ang gawain at hindi ko talaga alam ang mga detalye, kaya wala akong nagawang aktuwal na pagdidilig. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Ano ang dapat kong sabihin kapag tinanong ako ng pinuno? Kung sasabihin ko ang katotohanan, iisipin kaya niya na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain? Nagmayabang pa naman ako kay Sister Liu, at sinasabi kong naging maayos ang gawain kung saan ako may pananagutan. Kung hindi ko masasabi ang mga detalye, sasabihin kaya niya na nagmamayabang ako sa wala? Ano ang puwede kong gawin? Lalo akong nag-alala. Noon din, nagsalita si Brother Zhou tungkol sa ilang isyu na nakaharap nila sa gawain ng pagdidilig sa kanilang simbahan at ang mga katiwaliang naibunyag niya sa kanyang gawain. Pagkatapos ay ipinaliwanag niya kung paano niya hinanap ang katotohanan para malutas ang mga bagay na ito. Ipinaliwanag niya ito sa napakapraktikal at napakadetalyadong paraan, na nagpakita sa amin ng landas ng pagsasagawa. Nakaramdam ako ng tunay na diwa ng kahihiyan pagkatapos marinig ang kanyang pagbabahagi. Dahil alam kong hindi ako nakagawa ng kahit anong praktikal na gawain, iniyuko ko ang aking ulo at namula ang mukha ko. Pagkatapos ay pinasalita ako ng pinuno. Kinabahan ako. Ano ang dapat kong sabihin? Wala akong mga detalyeng maibabahagi, at kung buod lang ay lalabas na hindi ako gumagawa ng praktikal na gawain. Ano ang iisipin sa akin ng mga tao kung sasabihin ko ang katotohanan? Ramdam kong hindi ako puwedeng maging diretsahan. Kaya sinabi ko na lang, “Halos katulad lang ng sitwasyon ko ang sitwasyon ni Brother Zhou. Hindi na kailangang ulitin pa.” Nakinig ang pinuno at wala siyang sinabi, at sinimulan niya ang pagtitipon sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pagtitipong iyon, naramdaman kong parang nagnakaw ako mula sa isang tao. Nasa bingit talaga ako, takot sa araw na ang aking pinuno ay sisiyasatin o papangasiwaan ang gawain ko, malalamang hindi katulad ng kay Brother Zhou ang isinasagawa ko, at aalisin ako sa aking tungkulin dahil sa hindi paggawa ng praktikal na gawain, dahil sa pagsisinungaling at panlilinlang. Lalo akong nabalisa pero wala pa rin akong lakas ng loob na sabihin ang katotohanan. Tahimik kong ipinasya, “Talagang kailangan kong magtrabaho nang katulad ni Brother Zhou para makabawi sa pagsisinungaling ko ngayong araw.”

Nang nakabalik ako sa simbahan, agad akong nakipagkita sa mga diyakono at pinuno ng grupo, nagbigay ng detalyado at personal na pagbabahagi, at pinagsimula sila kaagad. Pagkatapos ay nagbisikleta ako papunta sa bahay ni Sister Lyu. Sinabi ko sa kanya nang detalyado ang tungkol sa landas ni Brother Zhou, at sinabi ko sa kanya na ibahagi ito sa ibang mga kapatid sa tungkulin ng pagdidilig. Lumipas nang ganoon lang ang tatlong araw at masayang-masaya akong naghintay na anihin ang bunga ng aking mga pagsisikap. Ang ikinagulat ko, sinabi nila sa akin na maraming problema ang nakaharap nila sa kanilang gawain ng pagdidilig, kung saan hindi nila malutas ang ilan sa mga ito, at naniwala ang mga baguhan sa mga kasinungalingan ng CCP at mga relihiyosong pastor dahil hindi sila nadiligan agad-agad, at sa gayon ay hindi na sila nagtangkang pumunta pa sa mga pagtitipon. Nalilito ako. Paano nangyari iyon? Nagmadali akong pumunta sa bahay ni Sister Lyu at sa sandaling makita niya ako, balisa niyang sinabi, “Ngayon ay ano nang dapat nating gawin tungkol sa mga problemang ito sa ating gawain ng pagdidilig? Hindi ko talaga alam.” Sadyang hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin. Nagbigay ako sa kanya ng partikular na tagubilin sa pamamagitan ng pagbabahagi at maraming detalye sa aking pagbabahagi, pero hindi pa rin niya naunawaan. Nagtaka ako kung ano ang mali sa mga taong iyon. Malinaw akong nagbahagi pero hindi pa rin nila naintindihan. Ano ang iisipin ng pinuno sa akin kung hindi mabuti ang pagkakagawa ng gawain ko? Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakakaramdam ng pagkabigo at kalungkutan. Pabaling-baling ako sa pagkakahiga sa kama nang gabing iyon, hindi makatulog, at ganap na walang lakas. Sa wakas ay humarap ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko, lubos akong nagsikap sa trabaho ko sa aking tungkulin nitong mga nakaraang araw, pero wala akong nagawa. Hindi ko maramdaman ang Iyong patnubay, at nabubuhay ako sa kadiliman. Diyos ko, may ginagawa ba akong salungat sa Iyong kalooban, na pumupukaw sa Iyong galit at pagkamuhi? Mangyaring liwanagan Mo ako para maunawaan ko ang sarili kong kalagayan.”

Pagkatapos ay binasa ko ang mga nagbubunyag na salitang ito mula sa Diyos: “Ginagawa mo ba ang mga mithiin at panukala mo na Ako ang nasa isip? Ang iyo bang mga salita at pagkilos ay sinasabi at ginagawa sa Aking presensiya? Sinusuri Ko ang lahat ng iyong mga kaisipan at palagay. Hindi ka ba nakokonsensya? Naglalagay ka ng balatkayo para makita ng iba at mahinahon kang umaasta na may pagmamagaling; ginagawa mo ito para ipagsanggalang ang sarili mo. Ginagawa mo ito para ikubli ang iyong kasamaan, at naghahanap ka pa nga ng mga paraan upang itulak ang kasamaang iyan sa iba. Anong kataksilan ang nananahan sa puso mo!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). “Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil nagagawa mong makinabang mula sa mga munti mong pagmamanipula. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng bagay ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang manlinlang o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang-awa Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay umabot na sa sukdulan; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44). Pinagnilayan ko ang aking sarili pagkatapos mabasa ito. Nagmamadali akong magdaos ng mga pagtitipon at pagbabahagi kasama ang mga diyakono at pinuno ng grupo, pero para saan nga ba lahat iyon? Ginagawa ko ba talaga iyon alang-alang sa gawain ng simbahan, para sa mga buhay ng mga kapatid ko? Ginagawa ko ba ito para lutasin ang kanilang mga praktikal na problema? Pagkatapos ay inisip ko kung paano ako nakapagsinungaling sa pagtitipong iyon. Nang magtanong ang pinuno tungkol sa gawain ng pagdidilig, alam na alam kong hindi ako nakagawa ng kahit anong praktikal na gawain, pero nanlinlang ako para hindi ako magmukhang tanga, para hindi makita ng mga tao ang totoo sa akin o bumaba ang tingin nila sa akin. Nagmadali akong bumalik para ayusin ang gawain ko para lang hindi malaman ng pinuno na nagsinungaling ako. Napagtanto ko pagkatapos na nagsikap akong magtrabaho para lang maipagpatuloy ang aking kasinungalingan, para pagtakpan ang katotohanang hindi ako nakagawa ng praktikal na gawain, at para sa sarili kong reputasyon at katayuan. Ginamit ko lang ang landas na naibahagi ni Brother Zhou sa halip na tunay na unawain ang mga aktuwal na problema ng mga kapatid at lutasin ang kanilang mga isyu sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan. Nagpabaya ako sa tungkulin ko, at kinimkim ko ang kasuklam-suklam na motibong iyon. Paano iyon magiging kaayon ng kalooban ng Diyos? Nakikita ng Diyos ang kaloob-looban ng ating mga puso, kaya paanong hindi Siya magagalit na sinubukan kong linlangin Siya, dayain Siya, at lokohin Siya nang ganoon? Ang binagsakan kong kadiliman ay ang pagkastigo at pagdidisiplina ng Diyos sa akin. Nakaramdam ako ng kaunting takot nang mapagtanto ito at inisip kong isagawa ang katotohanan at maging bukas sa susunod na pagtitipon. Pero nag-alala ako nang kaunti, habang iniisip kung paano ako nakapagsabi ng ganoon kalaking kasinungalingan. Ano ang iisipin ng iba sa akin kung aaminin ko ito? Sasabihin ba nilang tuso ako?

Nagbasa ako pagkatapos ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kapag nagsinungaling ka, hindi ka napapahiya sa mismong sandaling iyon, ngunit nararamdaman mo sa puso mo na ganap nang nasira ang reputasyon mo, at uusigin ka ng konsiyensya mo sa pagiging sinungaling. Sa iyong kalooban, kamumuhian at kasusuklaman mo ang sarili mo, at iisipin mo, ‘Bakit lubhang kaawa-awa ang pamumuhay ko? Talaga bang napakahirap magsabi ng totoo? Kailangan ko bang magsinungaling para lang sa aking reputasyon? Bakit lubhang nakakapagod ang buhay ko?’ Hindi kailangang maging nakakapagod ang pamumuhay mo, ngunit hindi mo napili ang isang landas na madali at malaya. Napili mo ang isang landas ng pangangalaga sa iyong reputasyon at iyong kahambugan, kaya para sa iyo, lubhang nakakapagod ang buhay. Ano ang reputasyon na iyong nakakamit mula sa pagsasabi ng mga kasinungalingan? Isang hungkag na bagay ang reputasyon, at talagang wala iyong halaga. Sa pagsasabi ng mga kasinungalingan, ipinagkakanulo mo ang iyong integridad at dignidad. Ang mga kasinungalingang ito ang dahilan upang mawala ang iyong dignidad at integridad sa harap ng Diyos. Hindi nagagalak ang Diyos dito at kinasusuklaman Niya ito. Kaya sulit ba ito? Tama ba ang landas na ito? Hindi, hindi ito tama, at sa pagsunod mo rito, hindi ka nabubuhay sa liwanag. Kapag hindi ka nabubuhay sa liwanag, napapagod ka. Palagi kang nagsasabi ng mga kasinungalingan at sinusubukang gawing tila totoo ang mga kasinungalingan, nag-iisip nang mabuti upang may masabi na walang katuturan, nagdudulot sa iyo ng maraming pagdurusa, hanggang maisip mo sa wakas, ‘Hindi na ako dapat magsabi ng mga kasinungalingan. Mananahimik ako at magsasalita na lang nang kaunti.’ Ngunit hindi mo talaga mapigil ang iyong sarili. Bakit ganito? Hindi mo maisuko ang mga bagay na gaya ng iyong reputasyon at katanyagan, kaya magagawa mo lang pangalagaan ang mga ito sa pagsisinungaling. Pakiramdam mo ay makakapagsinungaling ka upang mapanatili ang mga bagay na ito, ngunit ang totoo, hindi mo magawa. Hindi lang nabigo ang iyong mga kasinungalingan na panatilihin ang iyong integridad at karangalan, kundi, ang mas mahalaga, nawalan ka ng pagkakataong isagawa ang katotohanan. Kahit napangalagaan mo ang iyong reputasyon at katanyagan, nawala sa iyo ang katotohanan; nawalan ka ng pagkakataong isagawa iyon, gayundin ang pagkakataong maging matapat na tao. Ito ang pinakamalaking kawalan(“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tumagos sa puso ko ang bawat isa sa mga salita ng Diyos. Napanatili ko ang reputasyon ko pagkatapos kong magsabi ng kasinungalingan, pero hindi ako makaramdam ni katiting na saya. Sa halip, hindi ako mapalagay, at palaging masama ang pakiramdam ko tungkol sa nagawa ko. Minsan, ayokong magtagpo ang tingin namin ng mga taong kausap ko, at natatakot akong makita nila ang aking panlilinlang at hindi na nila ako pagkakatiwalaan pa. Ginawa ko na rin ang lahat ng klase ng bagay para pagtakpan ang kasinungalingan ko, para gawin itong kapani-paniwala. Mahirap at nakakapagod na paraan iyon ng pamumuhay, at hindi ako makakita ng anumang kapanatagan. Nakapagsinungaling ako at naging mapanlinlang, at nabuhay ako sa kasuklam-suklam at walang dignidad na paraan. Sapagkat ayoko nang pagtakpan pa ang sarili ko, nanalangin ako sa Diyos para magtapat at magsisi at nagpasya akong tatalikdan ko ang aking laman at magiging bukas sa susunod na makita ko ang mga kapatid.

Dumating ang pinuno para dumalo ng pagtitipon kasama namin pagkalipas ng ilang araw at ramdam kong Diyos ang nagbibigay sa akin ng pagkakataon para isagawa ang katotohanan. Nanalangin ako, “O, Diyos ko, handa akong ibunyag ang aking kasinungalingan at aking panlilinlang. Kung maaari’y bigyan Mo ako ng paninindigan para maisagawa ang katotohanan.” Nang dumating ako, nalaman kong pumunta siya para pumili ng isang kasama sa gawain mula sa aming mga pinuno ng simbahan. Nagtalo ang aking kalooban. Sa aming mga pinuno ng simbahan, ang aking kakayahan at mga nakamit ay mas mahusay nang bahagya kaysa sa iba kaya baka nakita na nila ako bilang nababagay na kandidato. Pero kung sasabihin ko ang katotohanan at ibubunyag ang kasinungalingan ko, magiging mas mababa kaya ang tingin nila sa akin? Iisipin kaya nilang sobra akong tuso, at hindi ako pipiliin? Anong mukha ang ihaharap ko kung iba ang piliin? Inisip kong hindi ako makakapagsalita tungkol dito. Kakayuko ko pa lang ng ulo ko, kung anu-ano’ng nasa isip, nang sinabihan ako ng pinuno na ibahagi ang kalagayan ko sa nakalipas na panahon. Gawa ng hindi makapagsalita nang diretso, binalewala ko ito. “Naging mabuti ang lagay ko. Kapag may mga problema akong hinaharap, alam kong manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito.” Pagkasabi nito, ramdam kong may kahiya-hiya akong nagawa at napuno ako ng pagkabalisa. Ninerbiyos ako. Nang makitang punas ako nang punas ng pawis, binigyan ako ng pinuno ng baso ng mainit na tubig at magiliw na tinanong ako kung mayroon ba akong sipon. Ang sabi ko, “Hindi ko alam kung bakit, nababalisa lang ako at ayaw tumigil ng pawis ko.” Ang totoo, alam na alam kong iyon ay dahil nagsinungaling ulit ako at hindi ko isinagawa ang katotohanan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos: “Diyos ko, paulit-ulit akong nakapagsinungaling, at pilit na tumatangging isagawa ang katotohanan. Sobrang matigas ang loob ko, sobra akong mapanghimagsik. Kung maaari’y gabayan Mo ako para maisagawa ko ang katotohanan at maging isang matapat na tao.”

Pagkatapos ay minungkahi ni Sister Liu na awitin namin ang himno ng mga salita ng Diyos. “Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso mo sa Diyos, pagiging wagas sa Diyos sa lahat ng mga bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng mga bagay, hindi pagtatago kailanman ng katotohanan, hindi pagsusubok na malinlang yaong mga nasa itaas at nasa ibaba mo, at hindi paggawa ng mga bagay upang manuyo lamang sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa mga kilos at mga salita mo, at hindi paglilinlang sa Diyos o sa tao. Kung tadtad ng mga palusot at walang halagang mga pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong kinasusuklamang isagawa ang katotohanan. Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman. Kung nakalulugod sa iyong mabuti ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag(“Pinagpapala ng Diyos Yaong Tapat” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Habang inaawit ko ang himnong ito, nakaramdam ako ng parehong lungkot at hiya. Nanalangin ako bago ang pagtitipon dahil gusto kong maging bukas tungkol sa kung paano ako nakapagsinungaling at naging mapanlinlang, pero nang malaman kong pipili pala ang pinuno ng magtatrabaho kasama niya, ayokong magbunyag ng kahit ano. Natatakot akong malaman ng pinuno at mga kasamahan sa trabaho na hindi ako nakagawa ng praktikal na gawain at nakapagsinungaling pa, na sasabihin nilang sobrang tuso ko at hindi nila ako pipiliin para sa posisyon. Pagkatapos ay mawawalan ako ng pagkakataong maging isang pinuno. Sobra akong naging mapanlinlang! Nakikita ng Diyos ang lahat. Maaaring maloko ko ang iba, pero hindi ang Diyos. Nangibabaw talaga ang mga salitang ito: “Kung marami kang mga nakatagong kaalamang atubili kang ibahagi, kung lubos kang tutol na ilantad ang mga lihim mo—ang mga paghihirap mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isang kang taong hindi madaling matatamo ang kaligtasan, at hindi madaling makakaahon mula sa kadiliman.” Lalo akong hindi mapalagay. Hindi ba’t isa akong tao na maraming lihim na nag-aatubili ibahagi, tulad ng sinabi ng Diyos? Talagang alam kong hindi ko nalalaman ang mga detalye ng gawain ng pagdidilig, pero nang nagtanong ang pinuno tungkol dito, paligoy-ligoy ako, at sinadya kong magsinungaling, at nang nakabalik ako sa simbahan ay hindi ako naging bukas sa iba para ibunyag ang aking katiwalian at mga mali sa gawain ko. Sa halip ay sinubukan kong pagtakpan ang mga kasinungalingan ko at hinayaang magpatuloy ang mga ito habang lumalabas na ginagawa ko ang aking tungkulin. Paano naging paggawa iyon ng aking tungkulin? Para lang iyon protektahan ang aking pangalan at katayuan. Sinusubukan kong lokohin ang Diyos, at iligaw ang mga tao. At muli, para mapagwagian ang bagong posisyong ito, walang kahiya-hiya kong tinalikdan ang aking panata, at nandaya sa parehong Diyos at tao. Nagsisinungaling ako at nanlilinlang nang paulit-ulit! Pagkatapos ay pumasok sa isip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, Oo, oo; Hindi, hindi; sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama(Mateo 5:37). “Kayo’y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka’t siya’y isang sinungaling, at ama nito(Juan 8:44). Alam na alam kong gusto ng Diyos ng mga matapat na tao, ngunit nakapagsinungaling ako at paulit-ulit kong pinagtakpan ang aking mga kasinungalingan, at sinusubukang linlangin ang Diyos at ang aking mga kapatid. Ano ang pagkakaiba ko kay Satanas? Mayroon ba ako ni katiting na normal na pagkatao? Kung hindi ako nagsisi at nagbago, alam kong hahantong ako sa kinahantungan ni Satanas. Natakot ako sa naisip kong ito, kaya nanalangin ako sa Diyos at humugot ako ng lakas ng loob na pagpira-pirasuhin ang sariling reputasyon ko. Ibinunyag ko ang pagsisinungaling at pagtatakip na ginagawa ko at ang aking mga kasuklam-suklam at tusong motibo nang sobrang detalyado, at walang tinitira. Pagkatapos kong ipagtapat ang lahat, pakiramdam ko’y para bang nawalan ako ng mabigat na dinadala at biglang naging mas panatag. Malaya at panatag ang puso ko.

Hindi ako kinasuklaman ng mga kapatid at binasahan pa ako ng pinuno ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kapag nanlilinlang ang mga tao, anong mga intensyon ang nag-uugat mula rito? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nila? Bakit nagagawa nilang ipahayag ang ganitong uri ng disposisyon? Ano ang ugat nito? Ito ay na nakikita ng mga tao na mas mahalaga ang mga pansarili nilang interes kaysa lahat ng iba pa. Nanlilinlang sila upang makinabang sila, at sa gayon ay nabubunyag ang kanilang mapanlinlang na disposisyon. Paano dapat lutasin ang problemang ito? Una, kailangan mong isuko ang sarili mong mga interes. Ang ipasuko sa mga tao ang sarili nilang mga interes ang pinakamahirap gawin. Karamihan sa mga tao ay walang ibang hinahangad kundi makinabang; ang mga interes ng mga tao ang kanilang buhay, at ang ipasuko ang mga bagay na iyon ay parang pamimilit na isuko nila ang kanilang buhay. Kaya, ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong matutuhang isuko, talikuran, danasin, at tiisin ang sakit ng pagbitaw sa mga interes na gustung-gusto mo. Sa sandaling natiis mo na ang sakit na ito at naisuko ang ilan sa mga interes mo, giginhawa ka nang kaunti at makadarama ng kaunting kalayaan, at sa ganitong paraan, madaraig mo ang iyong laman. Gayunman, kung nakakapit ka sa iyong mga interes at bigo kang bumitaw sa mga ito, na sinasabing, ‘Nanlinlang nga ako, pero ano ngayon? Hindi pa ako naparusahan ng Diyos, kaya ano ang magagawa ng mga tao sa akin? Hindi ko isusuko ang anuman!’ Kapag hindi mo isusuko ang anuman, walang ibang mawawalan; ikaw mismo ang mawawalan sa huli. Kapag kinilala mo ang sarili mong tiwaling disposisyon, ang totoo ay isa itong pagkakataon para ikaw ay pumasok, umunlad, at magbago; isang pagkakataon ito para humarap ka sa Diyos at tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat at ang Kanyang paghatol at pagkastigo. Bukod pa roon, ito ay isang pagkakataon para magkamit ka ng kaligtasan. Kung susuko ka sa paghahanap sa katotohanan, parang isinuko mo ang pagkakataong magkamit ng kaligtasan at tumanggap ng paghatol at pagkastigo. Kung pakinabang ang iyong nais, hindi ang katotohanan, at pakinabang ang iyong pinili, kung gayon, sa huli, pakinabang ang iyong makakamit, bagaman matatalikdan mo ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin: Isa ba itong pagkalugi o isang pakinabang? Hindi walang hanggan ang pakinabang. Ang katayuan, respeto sa sarili, salapi, anumang materyal na bagay—ang lahat ng iyon ay pansamantala. Kapag nasugpo mo na ang bahaging ito ng iyong tiwaling disposisyon, nagkamit ng aspeto ng katotohanan, at nagtamo ng kaligtasan, ikaw ay magiging mahalaga sa harap ng Diyos. Bukod dito, ang mga katotohanang nakakamit ng mga tao ay walang hanggan; hindi makukuha ni Satanas mula sa kanila ang mga katotohanang ito, o ng kahit na sino man. Tinalikuran mo ang iyong mga interes ngunit ang nakamit mo ay ang katotohanan at kaligtasan; ang mga resultang ito ay pagmamay-ari mo. Nakamit mo ang mga ito para sa iyong sarili. Kung pipiliin ng mga tao na isagawa ang katotohanan, kahit nawala na ang mga pansarili nilang interes, natatamo nila ang pagliligtas ng Diyos at ang buhay na walang hanggan. Ang mga taong iyon ang pinakamatatalino. Kung makikinabang ang mga tao kapalit ng katotohanan, ang nawawala sa kanila ay buhay at pagliligtas ng Diyos; ang mga taong iyon ang pinakabobo. Pagdating naman sa pipiliin ng isang tao sa huli—ang mga pansariling interes o ang katotohanan—ito ang nagbubunyag sa isang tao kaysa anupaman. Yaong mga nagmamahal sa katotohanan ay pipiliin ang katotohanan; pipiliin nilang magpasakop sa Diyos, at sundan Siya. Mas gugustuhin nilang talikuran ang mga sarili nilang interes. Gaano man sila dapat magdusa, determinado silang magpatotoo upang palugurin ang Diyos. Ito ang pangunahing daan tungo sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad ng katotohanan(“Ang Pag-unawa sa Disposisyon ng Isang Tao ang Pundasyon ng Pagbabago Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Lumiwanag ang puso ko nang marinig ang mga salitang ito. Nagmuni ako tungkol sa kung paano ako nakapagsinungaling at nakapanloko nang paulit-ulit dahil higit sa lahat ay sobra-sobra ang pag-aalala ko tungkol sa reputasyon at posisyon, at dahil nagkaroon ako ng mapanlinlang na likas. Naturuan at naindoktrinahan ako ni Satanas simula noong maliit pa ako at nakuha ang napakarami sa mga lason nito tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Habang nabubuhay ang puno para sa balat nito, nabubuhay naman ang tao para sa kanyang mukha,” “Ang kasinungalinga’y nagiging katotohanan kapag ito’y inulit sampung libong beses,” “Walang mapapala ang tao nang walang sinasabing kasinungalingan,” “Mag-isip bago magsalita at magsalita nang may pagtitimpi” at marami pa. Ang mga ganoong makademonyong pilosopiya ang naging aking mga batas sa pag-iral. Nabuhay ako sa pamamagitan ng mga ito, at naging mas makasarili, mapanlinlang, at huwad. Sariling interes ko lang ang inisip ko kailanman at hindi ko mapigilang magsinungaling at manlinlang. Bagaman ramdam kong nagkasala ako at sinisi ko ang sarili pagkatapos magsinungaling at gusto kong magsisi sa Diyos at maging bukas sa iba, ang takot kong mapahiya at mapagtawanan ang nagsanhi sa aking pagtakpan ang aking sarili at magkubli. Hindi ako handang maging bukas at ibunyag ang sarili kong mga tusong motibo at mapanlinlang na pag-uugali. Lalong wala akong lakas ng loob na isantabi ang aking mukha at maging matapat, dahil iniisip kong sa sandaling sabihin ko ang katotohanan, makikita ako ng mga tao kung ano talaga ako, at hindi na magiging mataas ang pagtingin nila sa akin. Mas gusto kong maghirap sa kadiliman at sakit kaysa magsagawa ng katotohanan at maging matapat. Nakita ko kung gaano ako labis na ginawang tiwali ni Satanas! Kung hindi ako ibinunyag nang ganoon ng Diyos, kung wala ang paghatol at paghayag ng Kanyang mga salita, hindi ko sana nakita kung gaano katuso ang likas ko, at hindi sana ako nagkaroon ng motibasyon na isagawa ang katotohanan at ibunyag ang aking totoong sarili. Nakita ko noon na ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay siyang Kanyang pagprotekta at pagliligtas sa akin, at naramdaman ko kung gaano kahalaga ang paghahanap ng katotohanan at pagsasagawa ng pagiging matapat.

Mula noon, naging determinado akong isagawa ang pagsasabi ng katotohanan at pagiging isang matapat na tao. Pagkaraan ng ilang panahon, nalaman kong may mga pagkakataong nagiging mapagmataas at mapagmagaling ang isang pinuno na sumali sa amin sa mga pagtitipon at hindi niya madaling tinatanggap ang mga mungkahi ng iba. Ilang beses kong gusto banggitin ito sa kanya, pero naisip ko noon, “Mabuti kung tatanggapin niya ang sasabihin ko, pero kung hindi, ano ang iisipin niya sa akin?” Nagdesisyon akong mag-antabay. Isang araw, tinanong niya sa akin, “Sister, matagal na nating kilala ang isa’t isa sa ngayon. Kung nakakakita ka ng kahit anong problema sa akin, pakisabi sa akin. Makakatulong iyon para sa akin.” Tumingin ako sa kanya at sasabihin ko na sana, “Wala akong napapansing kahit ano. Mahusay ka.” Pero napagtanto kong magiging mapanlinlang iyon, kaya nanalangin ako sa Diyos at ginawang handa ang aking sarili na tanggapin ang Kanyang pagsiyasat. Hindi ako puwedeng patuloy na magsinungaling at manlinlang, at inuudyok ang galit ng Diyos. Kaya, naging bukas ako at sinabi ko sa kanya ang tungkol sa problema niya. Nakinig siya, at pagkatapos ay agad na tumango at sinabing, “Salamat sa Diyos! Hindi ko sana mapagtatanto ito kung hindi mo nasabi sa akin. Kailangan ko talagang pagnilayan ang sarili ko at maunawaan ito.” Masayang-masaya ako nang makita kong nagawa niyang tanggapin ito. Nagkaroon ako ng hindi kapani-paniwalang pakiramdam ng kapayapaan at paglaya at talagang naranasan kong kamangha-manghang isagawa ang katotohanan at maging isang matapat na tao!

Sinundan: 14. Ang Pagdanas na Maging Isang Tapat na Tao

Sumunod: 16. Sa Likod ng Katahimikan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito