c. Paano makilatis ang mga anticristo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Paano inilalarawan ng Diyos ang mga anticristo? Bilang iyong mga namumuhi sa katotohanan at sumasalungat sa Diyos—mga kaaway sila ng Diyos! Ang pagsalungat sa katotohanan, pagkamuhi sa Diyos, at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay—hindi ito ang panandaliang kahinaan o kahangalan na makikita sa mga ordinaryong tao, ni ang pagpapakita ng mga maling kaisipan at pananaw na lumilitaw sa isang sandali ng baluktot na pagkaarok; hindi ito ang problema. Ang problema ay na sila ay mga anticristo, ang mga kaaway ng Diyos, na namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa buong katotohanan; sila ay mga karakter na namumuhi at sumasalungat sa Diyos. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga karakter? Hindi sila inililigtas ng Diyos! Kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga taong ito ang katotohanan, may kalikasang diwa sila ng mga anticristo. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang inilalantad dito ay kabuktutan, pagiging marahas, at pagkamuhi sa katotohanan. Ito ang pinakamalala sa mga satanikong disposisyon sa mga tiwaling disposisyon, na kumakatawan sa mga pinakakaraniwan at pinakamalaking katangian ni Satanas, hindi ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay isang puwersang laban sa Diyos. Maaari nilang guluhin at kontrolin ang iglesia, at mayroon silang kapasidad na lansagin at gambalain ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang gawin ng mga ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon; ang mga anticristo lang ang may kakayahang gumawa ng gayong mga kilos. Huwag ninyong maliitin ang bagay na ito.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem

Sa panahong hindi pa nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung sumalungat ang tao sa Diyos ay batay sa kung ang tao ay sumamba at tumingala sa di-nakikitang Diyos na nasa langit. Ang paraan ng pagtukoy sa pagsalungat sa Diyos sa panahong iyon ay tunay ngang hindi praktikal, dahil hindi kayang makita ng tao ang Diyos, at hindi niya alam kung ano ang imahe ng Diyos, o kung paano Siya gumawa at nagsalita. Walang mga kuru-kuro ang tao sa Diyos, at ang paniniwala niya sa Diyos ay hindi malinaw, dahil hindi pa nagpakita ang Diyos sa tao. Samakatuwid, paano man naniwala sa Diyos ang tao sa kanyang imahinasyon, hindi hinatulan ng Diyos ang tao o kaya ay humingi nang labis-labis mula sa kanya, sapagkat hindi talaga kayang makita ng tao ang Diyos noon. Nang nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito upang gumawa kasama ng mga tao, ang lahat ay napagmasdan Siya at napakinggan ang Kanyang mga salita, at nakita ng lahat ang mga gawa na ginagawa ng Diyos mula sa Kanyang katawang-tao. Sa sandaling iyon, ang lahat ng kuru-kuro ng tao ay naging mga bula. At para sa mga nakakita na sa pagkakatawang-tao ng Diyos, hindi sila hahatulan kung kusang-loob silang magpapasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang naninindigan laban sa Kanya ay ituturing na kalaban ng Diyos. Ang mga taong ito ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang naninindigan laban sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Sinumang hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao ay malademonyo at, higit pa rito, wawasakin sila. Yaong mga may pananampalataya ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, yaong mga hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao, at yaong mga hinding-hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay magiging mga pakay din ng pagwasak. Lahat yaong mga pahihintulutang manatili ay mga taong nagdaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao itong tunay na tiniis ang mga pagsubok. Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Kung naniniwala ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang lumalabag at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palaging may poot ang saloobin nila sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman nagalak na magpasakop o magpakumbaba ng sarili nila. Iniisip nilang sila ang pinakamataas sa iba at hindi kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nilang pinakamahusay sa pangangaral ng salita, at ang pinakabihasa sa paggawa sa iba. Hindi nila kailanman itinatapon ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila, kundi itinuturing ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya para sambahin, para ipangaral sa iba ang tungkol dito, at ginagamit nila ang mga ito para magsermon sa mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay mga “hindi palulupig na mga bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa tahanan ng Diyos. Ipinapalagay nila ang pangangaral ng salita (doktrina) bilang pinakamataas nilang tungkulin. Bawat taon, bawat salinlahi, masigasig nilang ipinatutupad ang “sagrado at hindi malalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa tahanan ng Diyos, nagwawala habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng mga demonyong ito na makipagsanib at gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga medyo mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon sila, kaunting bahagi lamang nito ang makakamit ng mga tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanila na maperpekto. Ano, kung gayon, ang para sa mga anak ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Wala ba silang mas maliit na pag-asang makamit ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

Mayroong mga nagbabasa ng Bibliya sa mga malalaking iglesia at nagsasalaysay nito nang buong araw, ngunit wala ni isa sa kanila ang nakauunawa sa layon ng gawain ng Diyos. Wala ni isa sa kanila ang nakakilala sa Diyos, lalong wala ni isa sa kanila ang nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang halaga, masasamang tao, bawat isa ay nagpapakataas upang pangaralan ang Diyos. Sadya nilang sinasalungat ang Diyos kahit na dala-dala nila ang Kanyang bandila. Sinasabi nilang sila ay nananampalataya sa Diyos, subalit kumakain pa rin sila ng laman at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng ganitong tao ay mga diyablong lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga pinunong demonyo na sadyang gumugulo sa mga sumusubok na tumapak sa tamang landas, at mga balakid na nakasasagabal sa mga naghahanap sa Diyos. Sila’y tila may “maayos na pangangatawan,” ngunit paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay walang iba kundi mga anticristo na umaakay sa mga tao na manindigan laban sa Diyos? Paano malalaman ng kanilang mga tagasunod na sila ay mga nabubuhay na diyablo na nakatuon sa paglamon ng mga kaluluwa ng tao?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Sumasalungat sa Diyos

Masdan mo ang mga lider ng bawat relihiyon at bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at binibigyang-kahulugan nila ang Bibliya nang wala sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at makakapangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano makaakit ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Ginagamit nila ang mga bagay na ito para linlangin ang mga tao, at para dalhin ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay naniniwala sa Diyos, ngunit sa realidad, sinusunod nila ang mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangang konsultahin namin ang aming lider tungkol sa mga usapin ng pananampalataya.” Tingnan kung paanong kailangan ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananalig sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba ito problema? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba sila nagiging mga Pariseo, huwad na mga pastol, mga anticristo, at mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang mga ganyang tao ay kapareho ng uri ni Pablo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider ng mga relihiyosong grupo, subalit paano man natin ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil pumapangalawa ang kanilang kayabangan sa kanilang likas na pagkatao, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig; parang nasa piling nila ang Diyos.” Itinuturing mo bang pagkakaroon ng determinasyon ang pagiging masigasig? Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang natakot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at dakilain sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig silang lahat sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas masahol pa ang gayong mga tao kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos

Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. … Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na pinag-aaralan ang Bibliya, teolohiya, at maging ang kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng sa mga nag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya. Hindi nga lang nila gusto ang siyensya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Ano ang kinalalabasan ng paghahanap nila sa mga bahagi ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil nabubuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inuuri ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa diumano ay komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang nilikha ng Diyos ang mundo at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananampalataya. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang ipinangangaral ang bagong pangalan ng Diyos at ang bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Traydor, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

May isa pang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao: Sinasabi nila, “Nang makita ko si cristo na isang ordinaryong tao, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro sa aking isipan. Ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay isang pagpapahayag ng diyos; ito ang katotohanan, at inaamin ko ito. Mayroon akong kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sapat na iyon. Hindi ko na kailangang makipag-ugnayan kay cristo. Kung may mga kuru-kuro, pagkanegatibo, o kahinaan ako, kaya kong lutasin ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng diyos. Madaling magkaroon ng mga kuru-kuro kung nakikipag-ugnayan ako sa diyos na nagkatawang-tao, at ipapakita nito na masyado akong ginawang tiwali. Kung sakaling ako ay kokondenahin ng diyos, wala na akong pag-asang maligtas. Kaya, mas mabuti na mag-isa ko na lang basahin ang salita ng diyos. Ang diyos sa langit ang siyang makakapagligtas sa mga tao.” Ang mga kasalukuyang salita at pagbabahagi ng Diyos, lalo na ang mga salitang iyon na naglalantad sa disposisyon at diwa ng mga anticristo, ang pinakanagpapakirot sa puso ng mga anticristo at ang pinakamasakit para sa kanila. Ito ang mga salitang pinakaayaw basahin ng mga anticristo. Kaya, sa puso ng mga anticristo ay ninanais nilang umalis na agad ang Diyos sa lupa, upang sila ay makapaghari gamit ang kanilang sariling kapangyarihan sa lupa. Naniniwala sila na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang ordinaryong taong ito, ay walang silbi sa kanila. Lagi nilang iniisip, “Bago makinig sa mga sermon ni cristo, pakiramdam ko ay nauunawaan ko ang lahat, at ayos ako sa lahat ng aspekto, ngunit pagkatapos makinig sa mga sermon ni cristo, iba na. Ngayon, pakiramdam ko ay wala akong anumang bagay, pakiramdam ko ay napakawalang-halaga ko at kaawa-awa ako.” Kaya, ipinagpapalagay nila na ang mga salita ni Cristo ay hindi sila ang inilalantad kundi ang iba, at iniisip nila na hindi na kailangan pang makinig sa mga sermon ni Cristo, na ang pagbabasa sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay sapat na. Sa puso ng mga anticristo, ang pangunahing layunin nila ay ang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang itatwa ang katunayan na ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan, iniisip nila na sa ganitong paraan ay may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at maaari silang maghari bilang mga hari sa iglesia, kaya natutugunan ang kanilang unang layunin sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga anticristo ay may kalikasan ng paglaban sa Diyos; sila ay di-kaayon ng nagkatawang-taong Diyos, tulad ng apoy sa tubig, walang hanggan ang kanilang hindi pagkakasundo. Iniisip nila na bawat araw na naririto si Cristo ay isang araw na mahirap para sa kanila na mamukod-tangi, at sila ay nasa panganib na makondena, matiwalag, mawasak, at maparusahan. Hangga’t hindi nagsasalita at hindi gumagawa si Cristo, at hangga’t ang mga hinirang na tao ng Diyos ay hindi tumitingala kay Cristo, kung gayon ang pagkakataon ng mga anticristo ay nasa kanila. May pagkakataon silang ipakita ang kanilang mga abilidad. Sa isang kumpas ng kamay, maraming tao ang lilipat sa kanilang panig, at ang mga anticristo ay makapaghahari. Ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at may pagkamuhi kay Cristo. Nakikipagkompitensiya sila kay Cristo kung sino ang mas may talento o sino ang mas magaling; nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung kaninong mga salita ang may higit na kapangyarihan at kaninong mga abilidad ang mas mahusay. Habang ginagawa nila ang parehong bagay na tulad ng kay Cristo, nais nilang ipakita sa iba na bagaman sila at Siya ay parehong tao, ang mga abilidad at karunungan ni Cristo ay hindi higit sa isang ordinaryong tao. Ang mga anticristo ay nakikipagkompetensiya kay Cristo sa lahat ng paraan, nakikipagpaligsahan kung sino ang mas magaling, at sinusubukang itanggi mula sa lahat ng anggulo ang katunayan na si Cristo ay Diyos, na Siya ang kumakatawan sa Espiritu ng Diyos, at na Siya ang kumakatawan sa katotohanan. Nag-iisip din sila ng iba’t ibang paraan at hakbang sa bawat aspekto upang pigilan si Cristo na magkaroon ng kapangyarihan sa mga hinirang na tao ng Diyos, upang pigilan ang mga salita ni Cristo na maipalaganap o maipatupad sa mga hinirang na tao ng Diyos, at pigilan pa nga ang mga bagay na ginagawa ni Cristo at ang Kanyang mga hinihingi, at mga inaasahan sa mga tao na maisakatuparan sa mga hinirang na tao ng Diyos. Para bang kapag naririto si Cristo, sila ay binabalewala, at sila ay kinokondena at tinatanggihan ng iglesia—isang grupo ng mga taong binabalewala. Makikita natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na ayon sa diwa at disposisyon, sila ay palaging salungat kay Cristo—hindi sila puwedeng magsama! Ang mga anticristo ay kaaway na ng Diyos mula nang sila ay ipinanganak; sila ay narito upang labanan si Cristo, at nais nilang talunin at pabagsakin si Cristo. Nais nila na ang lahat ng gawain ni Cristo ay maging walang kabuluhan at walang saysay, upang sa huli, si Cristo ay hindi magkakamit ng maraming tao, at upang kahit saan man Siya gumawa, wala Siyang makukuhang resulta. Sa gayon lamang magiging masaya ang mga anticristo. Kung si Cristo ay nagpapahayag ng mga katotohanan, at ang mga tao ay nauuhaw para sa mga ito, hinahanap ang mga ito, malugod na tinatanggap ang mga ito, handang gugulin ang kanilang sarili para kay Cristo, talikdan ang lahat at ipalaganap ang ebanghelyo ni Cristo, ang mga anticristo ay nalulungkot at nararamdaman nilang wala nang pag-asa para sa hinaharap, na hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataon na sumikat, para bang sila ay itinapon sa impiyerno. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ang diwa ba nilang ito na labanan ang Diyos at tratuhin Siya nang may pagkamuhi ay itinuro sa kanila ng iba? Hinding-hindi; sila ay ipinanganak nang may ganito. Kaya, ang mga anticristo ay isang uri ng tao, na mula nang sila ay ipinanganak, ay ang reengkarnasyon ng diyablo, ang diyablo na dumating sa lupa. Hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, at hindi nila kailanman matatanggap si Cristo, dinadakila si Cristo, o hindi sila kailanman magpapatotoo kay Cristo. Bagaman sa panlabas, hindi mo sila makikita na hayagang hinahatulan o kinokondena si Cristo, at bagaman masunurin silang gumugugol ng kaunting pagsisikap at nagbabayad ng halaga, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, kapag tamang oras na, ang pagsalungat ng mga anticristo sa Diyos ay ipapakita ng sarili nito. Ang katunayan na lumalaban ang mga anticristo sa Diyos at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ay maisasapubliko. Ang lahat ng bagay na ito ay nangyari na dati sa mga lugar kung saan may mga anticristo, at lalo nang dumalas ang mga ganitong kaganapan sa mga taon na ito kung kailan ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw; maraming tao ang nakaranas at nakasaksi sa mga ito.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)

Ang diwa ng pag-uugali ng mga anticristo ay ang palaging gamitin ang iba’t ibang kalakaran at pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga ambisyon at hangarin, upang ilihis at siluhin ang mga tao, at upang magkamit ng mataas na katayuan para sundin at sambahin sila ng mga tao. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit na hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna ng mga ito. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkumpitensya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan para hanapin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanila na sa kanilang mga puso ay magkakamit sila ng lehitimong katayuan, sa pamamagitan ng pagkamit ng pagsang-ayon at paghanga ng ilang tao. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na binubuo ng isang pagganap ng kanilang mga tungkulin, ang bunga nito ay ang ilihis ang mga tao, pasambahin ang mga ito at pasunurin sa kanila—kaya nga, ang pagganap sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia—ay hindi kailanman magbabago. Sila ay walang pasubaling anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa alinman sa katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, nananatili pa rin ang kanilang ambisyon at mga pagnanais, nananahan pa rin ang mga ito sa kanilang puso at kinokontrol ang kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Sila ay totoong anticristo. Ano ang nakikita higit sa lahat sa mga anticristo? Ang ilang tao ay sinasabing, “Ang mga anticristo ay nakikipagpaligsahan sa Diyos upang magkamit ng mga tao, hindi nila kinikilala ang Diyos.” Hindi naman sa hindi nila kinikilala ang Diyos; sa kanilang puso ay tunay na kinikilala nila Siya at naniniwala sila sa Kanyang pag-iral. Handa silang sundan Siya at nais nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kaya gumagawa sila ng kasamaan. Bagamat maaaring nagsasabi sila ng mga bagay na maganda kung pakikinggan, isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais para sa kapangyarihan at katayuan. Hindi nila kailanman isusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan dahil sa kabiguan o balakid, o dahil isinantabi na sila ng Diyos o pinabayaan sila. Gayon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya anong masasabi mo, may anticristo na bang nagbago ng kanyang mga gawi at nagsimulang maghangad sa katotohanan dahil dumanas siya ng paghihirap, o nakaunawa siya ng kaunti sa katotohanan, at nagkaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos—may ganoon bang mga tao? Hindi pa tayo kailanman nakakita ng ganoon. Hindi kailanman magbabago ang ambisyon at paghahangad ng mga anticristo sa katayuan at kapangyarihan, at sa sandaling makahawak sila ng kapangyarihan, hindi na nila ito kailanman bibitiwan; tumpak nitong natutukoy ang kanilang kalikasang diwa. Walang ni katiting na pagkakamali sa pagtukoy ng Diyos sa ganoong mga tao bilang mga anticristo; natukoy ito ng mismong kalikasang diwa nila. Marahil ay may ilang taong naniniwala na sinusubukan ng mga anticristong makipagkompetensiya sa Diyos para sa sangkatauhan. Gayumpaman, minsan ay hindi naman talaga kailangang makipagkompetensiya ng mga anticristo sa Kanya; ang kanilang kaalaman, pang-unawa, at pangangailangan sa katayuan at kapangyarihan ay hindi tulad ng sa mga normal na tao. Ang mga normal na tao ay puwedeng maging hambog minsan; puwede nilang subukang makakuha ng pagkilala sa iba, subukang makapagbigay ng magandang impresyon sa mga ito, at subukang makipagkompetensiya para sa magandang posisyon. Ito ang ambisyon ng mga normal na tao. Kung papalitan sila bilang mga lider, mawawala ang kanilang katayuan, magiging mahirap ito para sa kanila, pero sa pagkakaroon ng pagbabago sa kanilang kapaligiran, sa kaunting paglago ng kanilang tayog, sa pagtatamo ng kaunting pagpasok sa katotohanan, o sa pagkakamit ng mas malalim na pang-unawa sa katotohanan, unti-unting humuhupa ang kanilang ambisyon. Nagkakaroon ng pagbabago sa landas na tinatahak nila at sa direksyong tinutungo nila, at naglalaho ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Pati ang mga pagnanais nila ay unti-unting nababawasan. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo: Kahit kailan ay hindi nila kayang isuko ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Sa anumang oras, sa anumang kapaligiran, at kahit sino pang mga tao ang nasa paligid nila at kahit gaano pa katanda ang mga ito, hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais. Ano ang nagpapahiwatig na hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon? Sabihin natin, halimbawa, na lider sila ng iglesia. Sa kanilang puso, palagi nilang iniisip kung paano nila makokontrol ang lahat ng tao sa iglesia. Kung ililipat sila sa isa pang iglesia kung saan hindi sila ang lider, masaya ba silang maging normal na tagasunod? Tiyak na hindi. Iisipin pa rin nila kung paano magkakamit ng katayuan, at kung paano kokontrolin ang lahat ng tao. Saan man sila magpunta, ninanais nilang mamuno na parang hari. Kahit na ilagay sila sa isang lugar na walang mga tao, sa isang kawan ng mga tupa, gugustuhin pa rin nilang mamuno sa kawan. Kung isasama sila sa mga aso at pusa, gugustuhin nilang maging hari ng mga aso at pusa, at maghari sa mga hayop. Nilalamon sila ng ambisyon, hindi ba? Hindi ba’t malademonyo ang mga disposisyon ng ganoong mga tao? Hindi ba’t mga disposisyon ito ni Satanas? Ganoon lang talaga si Satanas. Sa langit, ninais ni Satanas na maging kapantay ng Diyos, at pagkatapos itapon sa lupa, palagi nitong sinusubukang kontrolin ang tao, para sambahin ito ng tao at ituring itong Diyos. Palaging ninanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao dahil mayroon silang satanikong kalikasan; namumuhay sila ayon sa kanilang satanikong disposisyon, na lumagpas na sa katwiran ng mga normal na tao. Hindi ba’t medyo abnormal ito? Ano ang tinutukoy ng abnormalidad na ito? Ibig sabihin nito ay hindi dapat makita sa normal na pagkatao ang pag-uugali nila. Kaya, ano ang pag-uugaling ito? Ano ang kumokontrol dito? Kinokontrol ito ng kanilang kalikasan. Taglay nila ang diwa ng isang masamang espiritu, at hindi katulad ng normal na tiwaling sangkatauhan. Ito ang pagkakaiba. Ang katunayang gagawin ng mga anticristo ang lahat para sa paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay hindi lamang naglalantad sa kanilang kalikasang diwa, kundi nagpapakita rin sa mga tao na ang kasuklam-suklam nilang mukha ay ang mismong mukha ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lamang sila nakikipagkompetensiya sa mga tao para sa katayuan, nangangahas din silang makipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan. Makukontento lang sila kapag naagaw na nila ang hinirang na mga tao ng Diyos at ganap nang napasailalim ang mga ito sa kanilang pagkontrol. Kahit pa sa aling iglesia o grupo ng mga tao nabibilang ang mga anticristo, gusto nilang magkaroon ng katayuan, humawak ng kapangyarihan, at mahikayat ang mga taong makinig sa kanila. Pumapayag man o sumasang-ayon ang mga tao, gusto ng mga anticristo na sila ang may huling pasya at na sundin at tanggapin sila ng mga tao. Hindi ba’t kalikasan ito ng isang anticristo? Payag ba ang mga taong makinig sa kanila? Inihahalal at nirerekomenda ba sila ng mga ito? Hindi. Pero gusto pa rin ng mga anticristo na sila ang may huling pasya. Sumasang-ayon man ang mga tao o hindi, gusto ng mga anticristong magsalita at kumilos para sa mga ito, gusto nilang mapansin. Sinusubukan pa nga nilang ipilit sa mga tao ang mga ideya nila, at kung hindi ito tatanggapin ng mga tao, pipigain ng mga anticristo ang utak nila sa pagsubok na tanggapin ito ng mga tao. Ano ang problemang ito? Kawalan ito ng kahihiyan at pagiging garapal. Ang ganitong mga tao ay mga tunay na anticristo, at mga lider man sila o hindi, mga anticristo pa rin sila. Taglay nila ang kalikasang diwa ng isang anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao

Pinaka-interesado ang mga anticristo sa mga materyal na bagay, pera, at katayuan. Tiyak na hindi sila katulad nang kung paano sila nagsasalita sa panlabas, “Naniniwala ako sa diyos. Hindi ko hinahangad ang mundo, at hindi ako nag-iimbot ng pera.” Talagang hindi sila katulad nang sinasabi nila. Bakit nila hinahangad at pinananatili ang katayuan nang buo nilang lakas? Dahil gusto nilang angkinin, o kontrolin at agawin, ang lahat ng nasasakupan nila—pera at mga materyal na bagay, sa partikular. Tinatamasa nila ang pera at mga materyal na bagay na ito na para bang benepisyo ang mga ito ng kanilang katayuan. Mga tunay na inapo sila ng arkanghel, na may kalikasang diwa ni Satanas sa pangalan at sa katunayan. Ang lahat ng naghahangad sa katayuan at nagpapahalaga sa pera ay tiyak na may problema sa kanilang disposisyong diwa. Hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lang nila ng disposisyon ng anticristo: Napaka-ambisyoso nila. Gusto nilang kontrolin ang pera ng sambahayan ng Diyos. Kung ginawa silang responsable para sa isang aytem ng gawain, kung gayon una sa lahat, hindi nila hahayaang makialam ang iba, at hindi rin sila tatanggap ng mga tanong o ng pangangasiwa mula sa Itaas; higit pa riyan, kapag sila ang mga superbisor ng anumang aytem ng trabaho, hahanap sila ng mga paraan para ipagyabang ang sarili nila, protektahan ang sarili nila, at iangat ang sarili nila. Palagi nilang gustong mangibabaw, para maging mga taong namamahala at kumokontrol sa iba. Nais din nilang humawak at makipagtagisan para sa mas mataas na katayuan, at maging ang kontrolin ang bawat bahagi ng sambahayan ng Diyos—ang pera nito, lalo na. May espesyal na pagmamahal ang mga anticristo sa pera. Kapag nakikita nila ito, nagliliwanag ang kanilang mga mata; sa kanilang isipan, palagi silang nag-iisip tungkol sa pera at nagsusumikap para dito. Ang lahat ng ito ay mga palatandaan at senyales ng mga anticristo. Kung makikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, o susubukang malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng gayong mga tanong gaya ng kung ilan sa kanila ang mahina at negatibo, ano ang mga resultang nakukuha ng bawat isa sa kanila sa kanilang tungkulin, at sino sa kanila ang hindi nababagay sa kanilang tungkulin, hindi magiging interesado ang mga anticristo. Subalit pagdating sa mga handog sa Diyos—ang halaga ng pera, sino ang nag-iingat nito, kung saan ito itinatago, ang mga passcode nito, at iba pa—ito ang pinakamahalaga sa kanila. May pambihirang kaalaman ang anticristo sa mga bagay na ito. Alam niya ang mga ito tulad ng likod ng kanyang kamay. Tanda rin ito ng isang anticristo. Pinakamahusay ang mga anticristo sa pagsasalita ng mga salitang kaaya-ayang pakinggan, subalit hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, palagi silang abala sa pag-iisip ng tungkol sa paggamit ng mga handog sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t imoral ang mga anticristo? Wala talaga silang pagkatao—mga diyablo sila sa bawat aspekto.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)

Paano dapat tratuhin ng mga taong hinirang ng Diyos ang mga anticristo? Dapat nilang kilatisin, ilantad, iulat, at itaboy ang mga ito. Saka lamang masisiguro ang pagsunod sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihan at ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi mo mga lider ang mga anticristo, gaano pa man nila iniligaw ang iba na piliin sila bilang mga lider. Huwag mo silang kilalanin, at huwag mong tanggapin ang kanilang pamumuno—dapat mo silang kilatisin at itaboy, dahil hindi ka nila matutulungang maunawaan ang katotohanan, ni hindi ka nila masusuportahan o matutustusan. Ito ang mga katunayan. Kung hindi ka nila maaakay sa katotohanang realidad, hindi sila angkop na maging mga lider o manggagawa. Kung hindi ka nila maaakay na maunawaan ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos, sila ang mga lumalaban sa Diyos at dapat mo silang kilatisin, ilantad, at itaboy. Ang lahat ng ginagawa nila ay para iligaw ka na sundin sila, at para isama ka sa kanilang grupo para pahinain at guluhin ang gawain ng iglesia, para magawa kang tahakin ang landas ng mga anticristo, gaya nila. Nais ka nilang dalhin sa impiyerno! Kung hindi mo makita kung ano talaga sila, at naniniwala kang dahil sila ang mga lider mo ay dapat mo silang sundin at pagbigyan, isa kang taong kapwa nagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos—at ang ganoong mga tao ay hindi maliligtas. Kung nais mong maligtas, hindi mo lamang dapat mapagtagumpayan ang paghadlang ng malaking pulang dragon, at hindi mo lamang dapat makilatis ang malaking pulang dragon, na makita ang nakakakilabot nitong mukha at ganap na maghimagsik laban dito—dapat mo ring mapagtagumpayan ang paghadlang ng mga anticristo. Sa iglesia, ang isang anticristo ay hindi lamang kaaway ng Diyos, kundi kaaway rin ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung hindi mo makilatis ang isang anticristo, malamang na maililihis at makukumbinsi ka, tatahak sa landas ng isang anticristo, at isusumpa at parurusahan ng Diyos. Kung mangyari iyon, ganap na nabigo ang iyong pananampalataya sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para mapagkalooban ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananalig sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manalig, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para riyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, layunin, at mithiin sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at siguradong hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o pinagdurusa, pinahihirapan, tinutulak palabas, pinipigilan, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makatatagal ang sobrang liit mong buhay, at malalanta; hindi ka na magkakaroon ng pananampalataya sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang diyos! Nasaan ba ang diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi na naniniwalang Siya ay nabubuhay; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na makakamit mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makarating kung saan maaari kang mabigyan ng kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang maramdaman at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at itakwil si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na mayroong disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang pinuno o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang mga gayong tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, inaasahan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayumpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong hangarin ang katotohanan at tamuhin ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong mabigyan ng kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mailayo ang iyong sarili sa panganib na ito, ikaw ay biktimang isasakripisyo ni Satanas. Ano’t anuman, ang mga taong naililihis at nakokontrol, at nagiging mga tagasunod ng isang anticristo ay hindi magtatamo ng kaligtasan kailanpaman. Dahil hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan, tiyak na ang magiging resulta ay maililihis sila at susunod sila sa isang anticristo.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahanap ng Katotohanan

Kaugnay na mga Extract ng Pelikula

Bakit Pinipigilan ng mga Relihiyosong Pastor ang mga Tao na Siyasatin ang Tunay na Daan?

Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan

Nasa Bingit ng Kapahamakan

Kaugnay na mga Himno

Ang Basehan ng Diyos para Kondenahin ang mga Tao

Yaong Mga Hindi Kilala ang Diyos ay Sumasalungat sa Diyos

Sinundan: b. Paano makilala ang pagkakaiba ng mga tunay at maling daan

Sumunod: d. Paano mapag-iiba ang gawain ng Diyos sa gawain ng tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito