Paano Nakakamtan ang mga Epekto ng Ikalawang Hakbang ng Gawain ng Paglupig

Ang gawain ng mga tagapagsilbi ang unang hakbang sa gawain ng paglupig. Ngayon ang ikalawang hakbang sa gawain ng paglupig. Bakit binabanggit din ang pagiging naperpekto sa gawain ng paglupig? Ito ay upang lumikha ng isang pundasyon para sa hinaharap. Ngayon ang huling hakbang sa gawain ng paglupig; susunod na ang panahon ng pagdanas ng matinding pagdurusa, na magiging hudyat ng opisyal na simula ng paggawang perpekto sa sangkatauhan. Ang pangunahing isyu ngayon ay ang paglupig, ngunit panahon din ngayon ng unang hakbang sa proseso ng pagpeperpekto. Ang kailangan sa unang hakbang na ito ay ang pagpeperpekto sa kaalaman at pagsunod ng mga tao, na lumilikha, siyempre pa, ng isang pundasyon para sa gawain ng paglupig. Kung gagawin kang perpekto, kailangan mong makapanindigan sa gitna ng pagdurusa sa hinaharap at maibigay ang iyong lahat-lahat upang ipalaganap ang susunod na hakbang ng gawain; ito ang ibig sabihin ng magawang perpekto, at sa panahon ding iyon inaangkin ng Diyos nang buung-buo ang mga tao. Ngayon nag-uusap tayo tungkol sa pagiging nalupig, na kapareho ng pag-uusap tungkol sa pagiging nagawang perpekto. Ngunit ang gawaing ginawa ngayon ay ang pundasyon para magawang perpekto sa hinaharap; para magawang perpekto, kailangang maranasan ng mga tao ang paghihirap, at ang pagdanas na ito ng paghihirap ay kailangang nakabatay sa pagiging nalupig. Kung wala ang mga tao ng pundasyon ngayon—kung hindi sila ganap na nalupig—mahihirapan silang manindigan sa susunod na hakbang ng gawain. Hindi ang pagiging nalupig lamang ang pangunahing layunin. Isang hakbang lamang ito ng patotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas. Ang magawang perpekto ang pangunahing layunin, at kung hindi ka nagawang perpekto, makabubuti pang burahin ka na lang sa listahan. Kapag naharap ka sa paghihirap sa hinaharap, saka lamang makikita ang tunay mong tayog; ibig sabihin, saka lamang malinaw na makikita ang antas ng kadalisayan ng iyong pagmamahal sa Diyos. Ang sinasabi ng mga tao ngayon ay ito: “Kailangan naming sundin ang Diyos anuman ang gawin Niya. Kaya handa kaming maging isang panghambing na maaaring magpamalas ng dakilang kapangyarihan at disposisyon ng Diyos. Mabait man sa amin ang Diyos o isinusumpa Niya kami, o hinahatulan kami, nagpapasalamat pa rin kami sa Diyos.” Ang katunayan na sinasabi mo ito ay nagpapakita lamang na mayroon kang kaunting kaalaman, ngunit kung magagamit man ang kaalamang iyon sa realidad ay depende sa kung totoo ang kaalamang ito o hindi. Ang pagkakaroon ng mga tao ng gayong mga kabatiran at kaalaman ngayon ang bunga ng gawain ng paglupig. Magagawa ka mang perpekto o hindi, makikita lamang iyan sa harap ng paghihirap, at sa panahong iyon makikita kung talagang mahal mo ang Diyos sa puso mo. Kung talagang dalisay ang pagmamahal mo, sasabihin mo: “Mga panghambing kami, mga nilalang kami sa mga kamay ng Diyos.” Kapag ipinalalaganap mo ang ebanghelyo sa mga bansang Hentil, sasabihin mo, “Naglilingkod lamang ako. Gamit ang mga tiwaling disposisyon sa aming kalooban, sinabi na ng Diyos ang lahat ng bagay na ito upang ipakita sa amin ang Kanyang matuwid na disposisyon; kung hindi Niya nasabi ang gayong mga bagay, hindi namin makikita ang Diyos, ni mauunawaan ang Kanyang karunungan, ni matatanggap ang gayon kadakilang pagliligtas at gayon kalaking mga pagpapala.” Kung talagang mayroon kang kaalaman sa karanasan, sapat na ito. Gayunman, karamihan ng sinasabi mo ngayon ay hindi naglalaman ng kaalaman, at puro hungkag na mga sawikain lamang: “Kami ay mga panghambing at tagapagsilbi; nais naming malupig, at magpatotoo nang matunog para sa Diyos….” Ang pagsigaw lamang ay hindi nangangahulugan na mayroon kang realidad, ni hindi nito pinatutunayan na mayroon kang tayog; kailangan mong magkaroon ng tunay na kaalaman, at kailangang masubukan ang iyong kaalaman.

Dapat mong basahin ang iba pa sa mga pahayag na nabigkas ng Diyos sa panahong ito, at ikumpara ito sa iyong mga kilos: Totoo talaga na maayos ka at tunay na isang panghambing! Hanggang saan ang kaalaman mo ngayon? Ang iyong mga ideya, iyong mga iniisip, iyong pag-uugali, iyong mga salita at gawa—hindi ba’t ang lahat ng mga pagpapahayag na ito ay katumbas ng mapaghahambingan ng katuwiran at kabanalan ng Diyos? Hindi ba ang iyong mga pagpapahayag ngayon ay mga pagpapakita ng tiwaling disposisyon ng tao na ibinunyag ng mga salita ng Diyos? Ang iyong mga ideya, iyong mga pagganyak, at ang katiwaliang nabunyag sa iyo ay nagpapakita ng matuwid na disposisyon ng Diyos, maging ng Kanyang kabanalan. Ang Diyos ay isinilang din sa lupain ng karumihan, subalit nananatili Siyang walang bahid ng karumihan. Naninirahan Siya sa maruming mundong tinitirhan mo, ngunit may taglay Siyang katwiran at pandama, at kinamumuhian Niya ang karumihan. Maaaring ni hindi mo magawang mapansin ang anumang marumi sa iyong mga salita at gawa, ngunit kaya Niyang gawin iyon, at itinuturo Niya ang mga ito sa iyo. Ang mga dating ugali mong iyon—ang iyong kawalan ng kalinangan, kabatiran, at pakiramdam, at ang iyong paurong na mga paraan ng pamumuhay—ay nailantad na ng mga paghahayag ngayon; kapag pumaparito ang Diyos sa lupa upang gumawa nang gayon, saka lamang namamasdan ng mga tao ang Kanyang kabanalan at matuwid na disposisyon. Hinahatulan at kinakastigo ka Niya, kaya ka nagtatamo ng pag-unawa; kung minsan, nakikita ang iyong likas na kademonyohan, at itinuturo Niya ito sa iyo. Alam Niya ang diwa ng tao na tulad ng likod ng Kanyang kamay. Nabubuhay Siya sa piling ninyo, kumakain Siya ng pagkaing kinakain mo, at naninirahan Siya sa kapaligirang tinitirhan ninyo—ngunit magkagayunman, mas marami Siyang alam; maaaring ilantad ka Niya at makita ang tiwaling diwa ng sangkatauhan. Wala Siyang higit na kinamumuhian kaysa sa mga pilosopiya sa pamumuhay at kabuktutan at panlilinlang ng tao. Kinamumuhian Niya lalo na ang makamundong pag-uugnayan ng mga tao. Maaaring hindi Siya pamilyar sa mga pilosopiya ng tao sa pamumuhay, ngunit malinaw Niyang nakikita at nailalantad ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng mga tao. Gumagawa Siya upang mangusap at turuan ang tao sa pamamagitan ng mga bagay na ito, ginagamit Niya ang mga bagay na ito upang hatulan ang mga tao, at upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid at banal na disposisyon. Sa gayon ay nagiging mga panghambing ang mga tao sa Kanyang gawain. Ang Diyos na nagkatawang-tao lamang ang maaaring magpakita nang malinaw ng mga tiwaling disposisyon ng tao at lahat ng pangit na mukha ni Satanas. Bagama’t hindi ka Niya pinarurusahan, at ginagamit ka lamang bilang panghambing sa Kanyang katuwiran at kabanalan, nahihiya ka at wala kang makitang lugar na mapagtataguan, sapagkat napakarumi mo. Nangungusap Siya gamit ang mga bagay na iyon na nakalantad sa tao, at kapag nalantad ang mga bagay na ito, saka lamang namamalayan ng mga tao kung gaano kabanal ang Diyos. Hindi Niya pinalalagpas maging ang pinakamaliit na karumihan sa mga tao, ni ang maruruming kaisipan sa kanilang puso; kung hindi kaayon ng Kanyang kalooban ang mga salita at gawa ng mga tao, hindi Niya sila pinatatawad. Sa Kanyang mga salita, walang puwang para sa karumihan ng mga tao o ng kahit ano pa—kailangang malantad ang lahat. Saka mo lang nakikita na talagang hindi Siya katulad ng tao. Kung may katiting na karumihan sa mga tao, lubos Niya silang kinamumuhian. May mga pagkakataon pa kung kailan hindi makaunawa ang mga tao, at sinasabing, “Diyos ko, bakit galit na galit Ka? Bakit hindi Mo iniintindi ang mga kahinaan ng tao? Bakit hindi Ka maging mas mapagpatawad nang kaunti sa mga tao? Bakit masyado Kang walang konsiderasyon sa tao? Malinaw na alam Mo kung gaano nagawang tiwali ang mga tao, kaya bakit ganito pa rin ang pagtrato mo sa kanila?” Namumuhi Siya sa kasalanan, naiinis Siya rito, at naiinis Siya lalo na kung may anumang bahid ng pagsuway sa iyo. Kapag nagpapakita ka ng suwail na disposisyon, nakikita Niya ito at labis Siyang naiinis—inis na inis. Sa mga bagay na ito nakikita ang Kanyang disposisyon at kung ano ang Diyos. Kapag ikinukumpara mo ang sarili mo, nakikita mo na bagama’t kinakain Niya ang kinakain ng tao, isinusuot ang isinusuot nila, nasisiyahan Siya sa mga bagay na nakasisiya sa kanila, at nabubuhay at naninirahan Siya sa piling nila, hindi pa rin Siya katulad ng tao. Hindi ba ito ang kahalagahan ng isang panghambing? Sa pamamagitan ng mga bagay na ito ng tao ipinapakita ang kapangyarihan ng Diyos; ang kadiliman ang nagpapalitaw sa mahalagang pag-iral ng liwanag.

Siyempre pa, hindi ka ginagawang panghambing ng Diyos nang walang dahilan. Sa halip, kapag nagbubunga ang gawaing ito, saka lamang nagiging malinaw na ang pagkasuwail ng tao ay isang panghambingan sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at dahil lamang mga panghambing kayo kaya kayo may pagkakataong malaman ang natural na pagpapahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Hinahatulan at kinakastigo kayo dahil sa inyong pagkasuwail, ngunit dahil din sa inyong pagkasuwail kaya kayo naging isang panghambing, at dahil sa inyong pagkasuwail kaya ninyo natatanggap ang malaking biyayang ipinagkakaloob sa inyo ng Diyos. Ang inyong pagkasuwail ay isang panghambing sa walang-hanggang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, at dahil din sa inyong pagkasuwail kaya kayo nagtamo ng gayon kadakilang pagliligtas at mga pagpapala. Bagama’t paulit-ulit Ko na kayong hinatulan, natanggap na ninyo ang kamangha-manghang pagliligtas na hindi pa natanggap ng tao kailanman. Napakalaki ng kabuluhan ng gawaing ito para sa inyo. Napakahalaga rin para sa inyo ang maging “panghambing”: Kayo ay iniligtas at nagtamo ng biyaya ng pagliligtas dahil kayo ay isang panghambing, kaya hindi ba napakahalaga ng gayong panghambingan? Hindi ba napakalaki ng kabuluhan nito? Nabubuhay kayo sa iisang dako, sa iisang maruming lupain, na tulad ng Diyos, kaya kayo isang panghambing at nagtatamo ng pinakadakilang pagliligtas. Kung hindi naging tao ang Diyos, sino kaya ang naging maawain sa inyo, at sino kaya ang nag-alaga sa inyo, kayong abang mga tao? Sino kaya ang nagmahal sa inyo? Kung hindi naging tao ang Diyos upang gumawa sa inyo, kailan kaya ninyo matatanggap ang pagliligtas na ito, na hindi natamo kailanman ng mga nauna sa inyo? Kung hindi Ako naging tao upang mahalin kayo, upang hatulan ang mga kasalanan ninyo, hindi ba matagal na sana kayong nahulog sa Hades? Kung hindi Ako naging tao at nagpakumbaba ng Aking sarili sa inyo, paano kaya kayo magiging marapat na maging mapaghahambingan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba kayo isang panghambing dahil nag-anyong tao Ako at pumarito sa inyo upang bigyan kayo ng kakayahang matamo ang pinakadakilang pagliligtas? Hindi ba ninyo natatanggap ang pagliligtas na ito dahil naging tao Ako? Kung hindi naging tao ang Diyos upang mamuhay sa piling ninyo, natuklasan pa rin kaya ninyo na ipinamumuhay ninyo ang isang buhay na mas masahol pa sa mga aso at baboy sa isang impiyerno ng mga tao? Hindi pa ba kayo nakastigo at nahatulan dahil isa kayong panghambing sa Aking gawain sa katawang-tao? Walang gawaing mas angkop sa inyo kaysa sa gawain ng panghambing, sapagkat kayo ay mga panghambing kaya kayo naligtas sa gitna ng paghatol. Hindi ba ninyo nararamdaman na ang maging karapat-dapat na magsilbing isang panghambing ay pagpapala sa buhay ninyo? Ginagawa lamang ninyo ang gawain ng isang panghambing, subalit tumatanggap kayo ng gayong pagliligtas na hindi pa ninyo natanggap kailanman ni naisip man lamang. Ngayon, ang tungkulin ninyo ay ang maging isang panghambing, at ang nararapat ninyong gantimpala ay ang magtamasa ng walang-hanggang mga pagpapala sa hinaharap. Ang pagliligtas na natatamo ninyo ay hindi panandaliang kabatiran o lumilipas na kaalaman para sa kasalukuyang panahon, kundi isang mas malaking pagpapala: isang walang-hanggang pagpapatuloy ng buhay. Bagama’t nagamit Ko ang “panghambing” upang lupigin kayo, dapat ninyong malaman na ibinibigay ang pagliligtas at pagpapalang ito upang maangkin kayo; ito ay para sa paglupig, ngunit ito ay para mas mailigtas Ko rin kayo. Ang “panghambing” ay totoo, ngunit kaya kayo mga panghambing ay dahil sa inyong pagkasuwail, at dahil dito kaya kayo nagtamo ng mga pagpapalang hindi pa natamo ninuman kailanman. Ngayon ay ginawa kayong makakita at makarinig; bukas ay tatanggap kayo, at, higit pa riyan, lubos kayong pagpapalain. Sa gayon, hindi ba napakahalaga ng mga panghambing? Ang mga epekto ng gawain ngayon ng paglupig ay natatamo sa pamamagitan ng inyong mga suwail na disposisyon na nagsisilbing mga panghambing. Ibig sabihin, ang rurok ng ikalawang pagkakataon ng pagkastigo at paghatol ay ang gamitin ang inyong karumihan at pagkasuwail bilang isang panghambing, na nagtutulot sa inyo na mamasdan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag naging masunurin kayong muli sa ikalawang pagkakataon ng paghatol at pagkastigo, lubos ninyong makikita ang kabuuan ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay na kapag natapos na ang inyong pagtanggap ng gawain ng paglupig, saka rin matatapos ang inyong pagganap sa tungkulin ng isang panghambing. Hindi Ko layuning bigyan kayo ng mga katawagan. Sa halip, ginagamit Ko ang inyong tungkulin bilang mga tagapagsilbi upang isagawa ang unang pagkakataon ng gawain ng paglupig, ipinapakita ang matuwid at di-masusuway na disposisyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng inyong argumento, sa pamamagitan ng inyong pagkasuwail na nagsisilbing isang panghambing, ang mga epekto ng ikalawang pagkakataon ng gawain ng paglupig ay nakakamtan, na ganap na ibinubunyag sa inyo ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi ganap na ibinunyag sa unang pagkakataon, at ipinapakita sa inyo ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa kabuuan nito, lahat ng kung ano Siya, na binubuo ng karunungan, pagiging kamangha-mangha, at malinis na kabanalan ng Kanyang gawain. Ang epekto ng gayong gawain ay nakakamtan sa pamamagitan ng paglupig sa iba-ibang panahon, at sa pamamagitan ng iba-ibang antas ng paghatol. Kapag mas malapit nang umaabot ang paghatol sa rurok nito, mas ibinubunyag nito ang mga suwail na disposisyon ng mga tao, at mas epektibo ang paglupig. Ang kabuuan ng matuwid na disposisyon ng Diyos ay nagiging malinaw sa gawaing ito ng paglupig. Ang gawain ng paglupig ay nahahati sa dalawang hakbang, at may iba-ibang yugto at antas, kaya nga siyempre pa, iba rin ang mga epektong nakakamtan. Ang ibig sabihin nito ay na nagiging mas malawak pa ang saklaw ng pagpapasakop ng mga tao. Pagkatapos nito, saka lamang lubos na madadala ang mga tao sa tamang landas tungo sa pagiging perpekto; kapag nakumpleto na ang lahat ng gawain ng paglupig (kapag nakamtan na ng ikalawang pagkakataon ng paghatol ang huling epekto nito), saka lamang hindi na huhusgahan ang mga tao kundi tutulutan na silang pumasok sa tamang landas ng pagdanas ng buhay. Sapagkat ang paghatol ay kumakatawan sa paglupig, at ang paglupig ay nasa anyo ng paghatol at pagkastigo.

Naging tao ang Diyos sa pinakapaurong at pinakamaruming lugar sa lahat, at sa ganitong paraan lamang nagagawa ng Diyos na malinaw na ipakita ang kabuuan ng Kanyang banal at matuwid na disposisyon. At paano ipinapakita ang Kanyang matuwid na disposisyon? Ipinapakita ito kapag hinahatulan Niya ang mga kasalanan ng tao, kapag hinahatulan Niya si Satanas, kapag kinamumuhian Niya ang kasalanan, at kapag kinasusuklaman Niya ang mga kaaway na kumakalaban at naghihimagsik laban sa Kanya. Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay upang hatulan ang mga kasalanan ng tao, upang hatulan ang hindi pagiging matuwid ng tao, upang isumpa ang pagsuway ng tao. Ang kabuktutan at panlilinlang ng tao, ang mga salita at gawa ng tao—lahat ng hindi naaayon sa kalooban ng Diyos ay kailangang isailalim sa paghatol, at tuligsain ang lahat ng pagsuway ng tao bilang kasalanan. Umiikot ang Kanyang mga salita sa mga prinsipyo ng paghatol; ginagamit Niya ang paghatol sa hindi pagiging matuwid ng tao, ang sumpa sa pagkasuwail ng tao, ang paglalantad sa mga pangit na mukha ng tao upang ipakita ang Kanyang sariling matuwid na disposisyon. Ang kabanalan ay isang pagkakatawan ng Kanyang matuwid na disposisyon, at sa katunayan ang kabanalan ng Diyos ay talagang ang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang mga tiwali ninyong disposisyon ang konteksto ng mga salita ngayon—ginagamit Ko ang mga ito upang mangusap at humatol, at upang isagawa ang gawain ng paglupig. Ito lamang ang tunay na gawain, at ito lamang ang lubos na nagpapaningning sa kabanalan ng Diyos. Kung walang bahid ng tiwaling disposisyon sa iyo, hindi ka hahatulan ng Diyos, at hindi rin Niya ipapakita sa iyo ang Kanyang matuwid na disposisyon. Dahil mayroon kang tiwaling disposisyon, hindi ka basta paliligtasin ng Diyos, at sa pamamagitan nito ipinapakita ang Kanyang kabanalan. Kung makikita ng Diyos na masyadong malubha ang karumihan at pagkasuwail ng tao ngunit hindi Siya nagsalita o hinatulan ka, ni hindi ka kinastigo dahil sa iyong hindi pagiging matuwid, patutunayan nito na hindi Siya Diyos, dahil hindi Siya galit sa kasalanan; magiging kasingdumi lamang Siya ng tao. Ngayon, dahil sa karumihan mo kaya kita hinahatulan, at dahil sa katiwalian at pagkasuwail mo kaya kita kinakastigo. Hindi Ko ipinangangalandakan ang Aking kapangyarihan sa inyo o sadya kayong inaapi; ginagawa Ko ang mga bagay na ito dahil kayo, na naisilang sa lupaing ito ng karumihan, ay labis-labis nang narumihan. Sadyang naiwala ninyo ang inyong integridad at pagkatao, na parang mga baboy na naninirahan sa maruruming lugar. Dahil sa inyong karumihan at katiwalian kaya kayo hinahatulan at kaya Ko pinapakawalan sa inyo ang Aking poot. Dahil mismo sa paghatol ng mga salitang ito kaya ninyo nagawang makita na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, at na ang Diyos ay ang banal na Diyos; dahil mismo sa Kanyang kabanalan at Kanyang katuwiran kaya Niya kayo hinahatulan at pinapakawalan Niya ang Kanyang poot sa inyo; dahil mismo nakikita Niya ang pagkasuwail ng sangkatauhan na inihahayag Niya ang Kanyang matuwid na disposisyon. Naipapamalas ang Kanyang kabanalan dahil sa karumihan at katiwalian ng sangkatauhan. Sapat na ito upang ipakita na Siya ang Diyos Mismo, na banal at malinis, ngunit nabubuhay sa lupain ng karumihan. Kung nagtatampisaw ang isang tao sa putikan na kasama ng iba, at walang anumang banal tungkol sa kanya, at wala siyang matuwid na disposisyon, wala siyang karapatang hatulan ang kasamaan ng tao, ni hindi siya akmang magsagawa ng paghatol sa tao. Paano magiging karapat-dapat ang mga taong pare-parehong marumi na hatulan yaong mga kagaya nila? Tanging ang banal na Diyos Mismo ang nagagawang hatulan ang buong sangkatauhang marumi. Paano mahahatulan ng tao ang mga kasalanan ng tao? Paano makikita ng tao ang mga kasalanan ng tao, at paano magiging karapat-dapat ang tao na isumpa ang mga kasalanang ito? Kung hindi karapat-dapat ang Diyos na hatulan ang mga kasalanan ng tao, paano Siya magiging matuwid na Diyos Mismo? Dahil nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon ang mga tao kaya nangungusap ang Diyos upang hatulan sila, at saka lamang nila makikita na Siya ay isang banal na Diyos. Habang hinahatulan at kinakastigo Niya ang tao para sa mga kasalanan nito, na inilalantad pala ang mga kasalanan ng tao, walang tao o bagay na makakatakas sa paghatol na ito; Siya ang humahatol sa lahat ng marumi, at sa gayon lamang mabubunyag na matuwid ang Kanyang disposisyon. Kung hindi, paano masasabi na panghambing kayo kapwa sa taguri at sa katunayan?

Malaki ang pagkakaiba sa pagitan ng gawaing ginawa sa Israel at ng gawain sa ngayon. Ginabayan ni Jehova ang buhay ng mga Israelita, at walang ganoong pagkastigo at paghatol, dahil sa panahong iyon, napakaliit ng naunawaan ng mga tao tungkol sa mundo at mayroon silang ilang tiwaling disposisyon. Noon, ganap na sinunod ng mga Israelita si Jehova. Nang sabihin Niya sa kanila na gumawa ng mga altar, agad silang gumawa ng mga altar; nang sabihin Niya sa kanila na magsuot ng mga kasuotan ng mga saserdote, sumunod sila. Sa mga araw na iyon, si Jehova ay tila isang pastol na nagbabantay sa isang kawan ng mga tupa, na ang mga tupa ay sumusunod sa paggabay ng pastol at kumakain ng damo sa pastulan; ginabayan ni Jehova ang buhay nila, na pinamumunuan sila kung paano sila kumain, nagbihis, nanirahan, at naglakbay. Hindi iyon ang panahon para gawing maliwanag ang disposisyon ng Diyos, dahil ang sangkatauhan noong panahong iyon ay bagong silang; kakaunti ang suwail at mapang-away, walang gaanong karumihan sa sangkatauhan, kaya nga ang mga tao ay hindi makapagsilbing isang panghambing sa disposisyon ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga taong nanggaling sa lupain ng karumihan ipinapakita ang kabanalan ng Diyos; ngayon, ginagamit Niya ang karumihang nakikita sa mga taong ito ng lupain ng karumihan, at Siya ay humahatol, at gayon ang ibinubunyag tungkol sa Kanya sa gitna ng paghatol. Bakit Siya humahatol? Kaya Niyang sambitin ang mga salita ng paghatol dahil kinamumuhian Niya ang kasalanan; paano Siya magagalit nang matindi kung hindi Niya kinapopootan ang pagkasuwail ng sangkatauhan? Kung walang pagkasuklam sa Kanyang kalooban, walang pagkainis, kung hindi Niya pinansin ang pagkasuwail ng mga tao, magpapatunay iyon na kasingdumi Siya ng tao. Kaya Niya nakakayang hatulan at kastiguhin ang tao ay dahil kinapopootan Niya ang karumihan, at ang kinapopootan Niya ay wala sa Kanya. Kung mayroon ding pagkontra at pagkasuwail sa Kanya, hindi Niya kamumuhian yaong mga mapang-away at suwail. Kung ang gawain ng mga huling araw ay isinasagawa sa Israel, hindi ito magkakaroon ng kabuluhan. Bakit ginagawa ang gawain ng mga huling araw sa Tsina, ang pinakamadilim at pinakamakalumang lugar sa lahat? Iyon ay upang ipakita ang Kanyang kabanalan at katuwiran. Sa madaling salita, mas madilim ang isang lugar, mas malinaw na maipapakita ang kabanalan ng Diyos. Sa katunayan, lahat ng ito ay alang-alang sa gawain ng Diyos. Ngayon lamang ninyo napagtatanto na bumaba na ang Diyos mula sa langit upang tumayo sa gitna ninyo, na nakikita sa inyong karumihan at pagkasuwail, at ngayon lamang ninyo nakikilala ang Diyos. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpaparangal? Sa katunayan, isa kayong grupo ng mga tao sa Tsina na napili. At dahil kayo ay napili at nagtamasa ng biyaya ng Diyos, at dahil hindi kayo angkop na magtamasa ng gayon kalaking biyaya, pinatutunayan nito na lahat ng ito ay ang pinakadakilang pagpaparangal sa inyo. Nagpakita na ang Diyos sa inyo, at ipinakita Niya sa inyo ang Kanyang banal na disposisyon sa kabuuan nito, at ibinigay na Niya sa inyo ang lahat ng iyon, at pinatamasa sa inyo ang lahat ng pagpapalang maaari ninyong tamasahin. Hindi lamang ninyo natikman ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kundi, higit pa riyan, natikman ninyo ang pagliligtas ng Diyos, ang pagtubos ng Diyos at ang walang-hangganan at walang-katapusang pagmamahal sa Diyos. Kayo, na pinakamarumi sa lahat, ay nagtamasa na ng gayon kalaking biyaya—hindi ba kayo pinagpala? Hindi ba ito pagtataas ng Diyos sa inyo? Kayo ang may pinakamababang kalagayan sa lahat; kayo ay likas na hindi karapat-dapat magtamasa ng gayon kalaking pagpapala, subalit gumawa na ng eksepsyon ang Diyos sa pamamagitan ng pagtataas sa iyo. Hindi ka ba nahihiya? Kung wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin, sa huli ay ikahihiya mo ang iyong sarili, at parurusahan mo ang iyong sarili. Ngayon, hindi ka dinidisiplina, ni hindi ka pinarurusahan; ligtas at malusog ang iyong laman—ngunit sa huli, dadalhin ka ng mga salitang ito sa kahihiyan. Sa ngayon, hayagan Ko pang kakastiguhin ang sinuman; maaaring mabagsik ang Aking mga salita, ngunit paano Ko pinakikitunguhan ang mga tao? Inaaliw Ko sila, at pinapayuhan sila, at pinaaalalahanan sila. Wala nang ibang dahilan kaya Ko ito ginagawa kundi para iligtas kayo. Talaga bang hindi ninyo nauunawaan ang Aking kalooban? Dapat ninyong maunawaan ang sinasabi Ko, at mabigyang-inspirasyon nito. Ngayon lamang maraming taong nakakaunawa. Hindi ba ito ang pagpapala ng pagiging isang panghambing? Hindi ba pagiging isang panghambing ang pinaka-pinagpalang bagay? Sa huli, kapag humayo kayo upang ipalaganap ang ebanghelyo, sasabihin ninyo ito: “Mga tipikal na panghambing kami.” Tatanungin nila kayo, “Ano ang ibig sabihin ng tipikal na panghambing kayo?” At sasabihin mo: “Panghambing kami sa gawain ng Diyos, at sa Kanyang dakilang kapangyarihan. Ang kabuuan ng matuwid na disposisyon ng Diyos ay inilalantad ng aming pagkasuwail; kami ang mga tagapagsilbi ng gawain ng Diyos sa mga huling araw, kami ang mga galamay ng Kanyang gawain, at ang mga kasangkapan din nito.” Kapag naririnig nila iyon, magtataka sila. Sumunod, sasabihin mo: “Kami ang mga halimbawa at huwaran sa pagtatapos ng gawain ng Diyos sa buong sansinukob, at sa Kanyang paglupig sa buong sangkatauhan. Banal man kami o marumi, sa kabuuan, kami pa rin ang mas pinagpala kaysa sa inyo, dahil nakita na namin ang Diyos, at sa pamamagitan ng pagkakataong lupigin Niya kami, nakikita ang dakilang kapangyarihan ng Diyos; dahil lamang sa kami ay marumi at tiwali kaya napasimulan ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kaya ba ninyong magpatotoo nang ganoon sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? Hindi kayo nararapat! Ito ay walang iba kundi ang pagpaparangal sa amin ng Diyos! Bagama’t maaaring hindi kami mapagmataas, maaari naming mapagmalaking purihin ang Diyos, dahil walang sinumang maaaring magmana ng gayon kalaking pangako, at walang sinumang maaaring magtamasa ng gayon kalaking pagpapala. Labis kaming nagpapasalamat na kami, na napakarumi, ay maaaring gumawa bilang mga panghambing sa panahon ng pamamahala ng Diyos.” At kapag itinanong nila, “Ano ang mga halimbawa at huwaran?” sasabihin mo, “Kami ang pinakasuwail at pinakamarumi sa buong sangkatauhan; nagawa kaming lubhang tiwali ni Satanas, at kami ang pinakapaurong at pinakaaba sa lahat ng laman. Kami ang mga klasikong halimbawa ng mga nakasangkapan ni Satanas. Ngayon, napili kami ng Diyos na unang lupigin sa buong sangkatauhan, at namasdan namin ang matuwid na disposisyon ng Diyos at namana ang Kanyang pangako; kinakasangkapan kami upang lupigin ang mas marami pang tao, sa gayon ay kami ang mga halimbawa at huwaran ng mga nalupig sa buong sangkatauhan.” Wala nang mas mainam na patotoo kaysa sa mga salitang ito, at ito ang iyong pinakamagandang karanasan.

Sinundan: Bakit Ayaw Mong Maging Panghambing?

Sumunod: Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 2

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito