Gawain at Pagpasok 8

Nasabi Ko na nang maraming beses na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ginagawa upang baguhin ang espiritu ng bawat tao, upang baguhin ang kaluluwa ng bawat tao, nang sa gayon ang kanilang puso, na nagdusa na ng matinding pinsala, ay mabago, sa gayon ay masagip ang kanilang kaluluwa, na matindi nang napinsala ng kasamaan: ito ay upang gisingin ang espiritu ng mga tao, upang tunawin ang kanilang malamig na mga puso, at tulutan silang mapasigla muli. Ito ang pinakadakilang kalooban ng Diyos. Isantabi ang usapin tungkol sa kung gaano katayog o kalalim ang buhay at mga karanasan ng tao; kapag nagising na ang puso ng mga tao, kapag nagising na sila mula sa kanilang mga panaginip at nalaman nang husto ang pinsalang idinulot ng malaking pulang dragon, natapos na ang gawain ng ministeryo ng Diyos. Ang araw na tapos na ang gawain ng Diyos ay ang araw rin kung kailan opisyal nang nagsisimula ang tao sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos. Sa panahong ito, dumating na sa katapusan ang ministeryo ng Diyos: Ganap nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at opisyal nang magsisimula ang tao na gampanan ang tungkulin na nararapat niyang gampanan—gagampanan niya ang kanyang ministeryo. Ang mga ito ang mga hakbang ng gawain ng Diyos. Kaya, dapat kayong mangapa para sa inyong landas sa pagpasok mula sa pundasyon ng pagkaalam ng mga bagay na ito. Ang lahat ng ito ang dapat ninyong maunawaan. Mapapabuti lamang ang pagpasok ng tao kapag ang mga pagbabago ay nangyari na sa kaibuturan ng kanyang puso, sapagka’t ang gawain ng Diyos ang ganap na kaligtasan ng tao—ang tao na natubos, na namumuhay pa rin sa ilalim ng mga puwersa ng kadiliman, at hindi pa kailanman ginising ang sarili niya—mula sa lugar na ito na pinagtitipunan ng mga demonyo; ito ay upang ang tao ay maaaring mapalaya mula sa libu-libong taon ng kasalanan, at maging mga iniibig ng Diyos, ganap na pinababagsak ang malaking pulang dragon, itinatatag ang kaharian ng Diyos, at pinagpapahinga ang puso ng Diyos nang mas maaga; ito ay upang mailabas, nang walang pasubali, ang galit na lumalaki sa inyong dibdib, upang puksain yaong inaamag na mga mikrobyo, upang tulutan kayo na iwan ang buhay na ito na hindi naiiba mula sa buhay ng isang baka o kabayo, upang hindi na maging isang alipin, upang hindi na maging malayang natatapak-tapakan o inuutus-utusan ng malaking pulang dragon; hindi na kayo magiging bahagi ng nabigong bansang ito, hindi na magiging pagmamay-ari ng kasuklam-suklam na malaking pulang dragon, at hindi na kayo maaalipin nito. Ang pugad ng mga demonyo ay tiyak na luluray-lurayin ng Diyos, at kayo ay tatayo sa tabi ng Diyos—kayo ay pagmamay-ari ng Diyos, at hindi nabibilang sa imperyong ito ng mga alipin. Matagal nang kinasuklaman ng Diyos ang madilim na lipunang ito hanggang sa Kanya mismong mga buto. Nagngangalit ang Kanyang mga ngipin, sabik Siyang mariing tapakan ang masama at kasuklam-suklam na matandang ahas na ito, nang sa gayon hindi na ito maaaring bumangon pang muli, at hindi na kailanman muling aabusuhin ang tao; hindi Niya patatawarin ang mga kilos nito sa nakaraan, hindi Niya titiisin ang panlilinlang nito sa tao, at pagbabayarin Niya ito para sa bawat kasalanan nito sa mga nagdaang kapanahunan. Hindi hahayaan ng Diyos ni katiting na mawalan ng pananagutan ang pasimunong ito ng lahat ng kasamaan,[1] lubos Niya itong wawasakin.

Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[2] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[3] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! Sino ang nakayakap na sa gawain ng Diyos? Sino ang nagbuwis na ng kanilang buhay o nagpadanak na ng dugo para sa gawain ng Diyos? Sa sali’t salinlahi, mula sa mga magulang hanggang sa mga anak, basta na lamang inalipin ng inaliping tao ang Diyos—paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nakaukit sa puso ang libu-libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito pupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway, huwag nang hayaan pa itong patuloy na magwala, at huwag na itong hayaang mamuno bilang isang diktador! Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito. Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Nasaan ang init sa gitna ng mga tao? Nasaan ang pagsalubong sa gitna ng mga tao? Bakit nagdudulot ng gayon katinding pananabik sa Diyos? Bakit patatawagin ang Diyos nang paulit-ulit? Bakit pinipilit ang Diyos na mag-alala para sa Kanyang minamahal na Anak? Sa madilim na lipunang ito, bakit hindi hinahayaan ng nakakaawang mga asong-bantay nito na malayang dumating at umalis ang Diyos sa gitna ng mundong nilikha Niya? Bakit hindi naiintindihan ng tao, ng taong nabubuhay sa gitna ng pasakit at pagdurusa? Alang-alang sa inyo, nagtiis na ang Diyos ng matinding paghihirap, taglay ang matinding pasakit, ibinigay na Niya ang Kanyang minamahal na Anak, ang Kanyang laman at dugo, sa inyo—kaya bakit nagbubulag-bulagan pa rin kayo? Kitang-kita ng lahat, tinatanggihan ninyo ang pagdating ng Diyos, at tinatanggihan ang pakikipagkaibigan ng Diyos. Bakit napakawalang-katwiran ninyo? Nahahanda ba kayong magtiis ng kawalang-katarungan sa madilim na lipunang tulad nito? Bakit, sa halip na pinupuno ninyo ang inyong tiyan ng libu-libong taon ng poot, ay pinapalamnan ninyo ang inyong mga sarili ng “dumi” ng hari ng mga diyablo?

Gaano kalalaki ang mga hadlang sa gawain ng Diyos? May nakaalam na ba kahit kailan? Sa pagkakakulong ng mga tao sa malalang bahid ng pamahiin, sino’ng may kakayanang malaman ang totoong mukha ng Diyos? Sa paurong na kaalamang ito sa kultura na napakababaw at kakatwa, paano nila lubusang mauunawaan ang mga salitang sinabi ng Diyos? Kahit pa sila ay kinakausap nang harapan, at pinalulusog nang bibig sa bibig, paano sila makakaunawa? Kung minsan para bang ang mga salita ng Diyos ay hindi naririnig: Wala ni katiting na reaksyon ang mga tao, iniiling nila ang kanilang mga ulo at walang naiintindihan. Paanong hindi ito makababahala? Itong “malayong,[4] sinaunang kasaysayan ng kultura at kaalaman sa kultura” ay nakapag-alaga na ng gayong walang-kabuluhang pangkat ng mga tao. Itong sinaunang kultura—mahalagang pamana—ay isang bunton ng basura! Matagal na itong naging walang-katapusang kahihiyan, at hindi nararapat banggitin! Naturuan na nito ang mga tao ng mga pandaraya at mga pamamaraan ng pagsalungat sa Diyos, at ang “may kaayusan at mahinahong patnubay”[5] ng edukasyong pambansa ay nagawa na ang mga taong mas higit pang suwail sa Diyos. Bawat bahagi ng gawain ng Diyos ay napakahirap gawin, at bawat hakbang ng Kanyang gawain sa lupa ay nakakabalisa sa Diyos. Napakahirap ng gawain Niya sa lupa! Ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa lupa ay kinapapalooban ng matinding kahirapan: Ang kahinaan ng tao, mga kakulangan, pagiging isip-bata, kamangmangan, at lahat ng bagay ng tao, ay maingat na pinagpaplanuhan at masusing isinasaalang-alang ng Diyos. Ang tao ay parang isang tigreng papel na walang naglalakas-loob na painan o galitin; sa pinakabahagyang paghipo siya ay kaagad nangangagat, o kaya ay nahuhulog at naliligaw sa kanyang daan, at para bang, sa bahagyang pagkawala ng konsentrasyon, siya’y bumabalik sa dati, o kung hindi ay winawalang-bahala ang Diyos, o tumatakbo sa mga magulang niyang tulad ng mga baboy at aso upang magpakasawa sa maruming mga bagay ng kanilang mga katawan. Anong tinding hadlang! Sa halos bawat hakbang ng Kanyang gawain, sumasailalim sa tukso ang Diyos, at sa halos bawat hakbang ay nanganganib ang Diyos. Ang Kanyang mga salita ay taos-puso at tapat, at walang malisya, nguni’t sino ang handang tanggapin ang mga ito? Sino ang handang lubusang magpasakop? Dinudurog nito ang puso ng Diyos. Gumagawa Siya araw at gabi para sa tao, napupuno Siya ng pagkabalisa para sa buhay ng tao, at nahahabag Siya sa kahinaan ng tao. Nagtiis na Siya ng maraming mga pasikut-sikot sa bawat hakbang ng Kanyang gawain, sa bawat salita na sinasabi Niya; lagi Siyang nasa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato, at iniisip ang kahinaan ng tao, pagsuway, pagiging parang-bata, at kahinaan … sa lahat ng oras at nang paulit-ulit. Sino ang kailanma’y nakabatid na nito? Sino ang maaari Niyang pagtapatan? Sino ang makakayang makaunawa? Kailanman ay kinamumuhian Niya ang mga kasalanan ng tao, at ang kawalan ng gulugod, ang kawalan ng lakas ng loob ng tao, at kailanman Siya ay nag-aalala sa kahinaan ng tao, at pinag-iisipang mabuti ang landas na naghihintay sa tao. Laging, habang pinagmamasdan Niya ang mga salita at mga gawa ng tao, pinupuspos Siya ng awa, at galit, at ang makita ang mga bagay na ito ay laging nagdudulot ng pasakit sa Kanyang puso. Ang walang-muwang, matapos ang lahat, ay naging manhid na; bakit dapat laging pinahihirap ng Diyos ang mga bagay-bagay para sa kanila? Lubos na walang tiyaga ang taong mahina; bakit dapat laging may ganoong di-humuhupang galit ang Diyos tungo sa kanya? Wala ni munti mang sigla ang mahina at walang-kapangyarihang tao; bakit dapat lagi siyang pinagsasabihan ng Diyos dahil sa kanyang pagsuway? Sino ang makatatagal sa mga banta ng Diyos sa langit? Ang tao, matapos ang lahat, ay marupok, at dahil sa Kanyang desperadong kalagayan, nabaon na ng Diyos ang Kanyang galit nang malalim sa Kanyang puso, upang maaaring dahan-dahang makapagnilay ang tao sa kanyang sarili. Nguni’t ang tao, na nasa malubhang kaguluhan, ay wala ni bahagyang pagpapahalaga sa kalooban ng Diyos; niyurakan na siya ng mga paa ng matandang hari ng mga diyablo, nguni’t ganap na hindi niya namamalayan, palagi siyang sumasalungat sa Diyos, o kung hindi ay hindi mainit ni malamig tungo sa Diyos. Nakabigkas na ng maraming salita ang Diyos, nguni’t sino ang kailanman ay nagseryoso na sa mga ito? Hindi nauunawaan ng tao ang mga salita ng Diyos, gayunpaman nananatili siyang panatag, at walang matinding pananabik, hindi kailanman tunay na nakilala ang diwa ng matandang diyablo. Nakatira ang mga tao sa Hades, sa impiyerno, nguni’t naniniwala na nakatira sila sa palasyo sa pusod ng dagat; sila ay inuusig ng malaking pulang dragon, gayunpaman ang iniisip nila sa kanilang mga sarili ay ang “mapaboran”[6] ng bansa; kinukutya sila ng diyablo nguni’t iniisip na kanilang tinatamasa ang pinakamainam na sining ng laman. Anong pangkat ng mga marumi at abang mga hamak sila! Sinapit na ng tao ang kasawian, nguni’t hindi niya ito nalalaman, at sa madilim na lipunang ito ay nagdurusa ng sunud-sunod na sakuna,[7] datapwa’t hindi pa siya kailanman nagising dito. Kailan niya aalisin sa kanyang sarili ang kanyang kabaitan sa sarili at malaaliping disposisyon? Bakit sobra siyang walang malasakit sa puso ng Diyos? Tahimik ba niyang kinukunsinti ang pang-aapi at paghihirap na ito? Hindi ba niya inaasam ang araw na maaari niyang palitan ng liwanag ang kadiliman? Hindi ba niya inaasam na minsan pang malunasan ang mga kawalang-hustisya tungo sa katuwiran at katotohanan? Handa ba siyang manood nang walang ginagawa habang tinatalikdan ng tao ang katotohanan at binabaluktot ang mga katunayan? Masaya ba siyang patuloy na tiisin ang pagmamaltratong ito? Payag ba siyang maging alipin? Handa ba siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos kasama ang mga alipin ng nabigong kalagayang ito? Nasaan ang iyong kapasyahan? Nasaan ang iyong ambisyon? Nasaan ang iyong dignidad? Nasaan ang iyong integridad? Nasaan ang iyong kalayaan? Handa ka bang ibigay ang iyong buong buhay[8] para sa malaking pulang dragon, ang hari ng mga diyablo? Masaya ka bang hayaan itong pahirapan ka hanggang kamatayan? Ang mukha ng kalaliman ay magulo at madilim, habang ang mga karaniwang tao, na nagdurusa ng matinding pasakit, ay umiiyak sa Langit at nagrereklamo sa lupa. Kailan maitataas ng tao ang kanyang ulo? Payat at buto’t balat ang tao, paano niya malalabanan itong malupit at abusadong diyablo? Bakit hindi niya ibinibigay ang kanyang buhay sa Diyos sa pinakamadaling panahong makakaya niya? Bakit nag-aalinlangan pa rin siya? Kailan niya matatapos ang gawain ng Diyos? Dahil walang-katuturang tinakot at inapi nang ganoon, ang kanyang buong buhay sa kahuli-hulihan ay magugugol sa walang-kabuluhan; bakit siya nagmamadaling dumating, at nagmamadaling umalis? Bakit hindi siya nagtatabi ng isang bagay na mahalaga upang ibigay sa Diyos? Nakalimutan na ba niya ang libu-libong taon ng poot?

Marahil, maraming tao ang namumuhi sa ilan sa mga salita ng Diyos, o marahil hindi sila namumuhi rito ni mayroong anumang interes dito. Kung anuman, ang mga katunayan ay hindi maaaring maging kakatwang pangangatwiran; walang maaaring magsabi ng mga salitang sumasalungat sa mga katunayan. Naging tao na sa panahong ito ang Diyos upang gawin ang gayong gawain, upang tapusin ang gawaing hindi pa Niya natatapos, upang dalhin ang kapanahunang ito sa katapusan, upang hatulan ang kapanahunang ito, upang iligtas ang lubhang makasalanan mula sa mundo ng dagat ng pagdurusa, at lubos silang baguhin. Ipinako ng mga Hudyo ang Diyos sa krus, sa gayon ay tinatapos ang mga paglalakbay ng Diyos sa Judea. Hindi nagtagal, ang Diyos ay personal na naparitong muli sa gitna ng tao, tahimik na dumarating sa bansa ng malaking pulang dragon. Sa katunayan, ang relihiyosong komunidad ng bansang Hudyo ay matagal nang nagsabit ng larawan ni Jesus sa kanilang mga dingding, at mula sa kanilang mga bibig ay tumawag ang mga tao ng “Panginoong Jesucristo.” Hindi nila alam na matagal nang tinanggap ni Jesus ang utos ng Kanyang Ama na bumalik sa gitna ng tao upang tapusin ang ikalawang yugto ng Kanyang hindi pa natatapos na gawain. Bilang resulta, nagulat ang mga tao nang tumingin sila sa Kanya: Ipinanganak Siya sa gitna ng isang mundo kung saan maraming kapanahunan na ang lumipas, at nagpakita Siya sa mga tao na may hitsura ng isa na sukdulang karaniwan. Sa katunayan, habang lumilipas ang mga kapanahunan, ang Kanyang damit at buong hitsura ay nagbago, na tila ba na Siya ay isinilang muli. Paano kaya malalaman ng mga tao na Siya ay ang mismong parehong Panginoong Jesucristo na bumaba mula sa krus at muling nabuhay? Wala Siya ni bahagyang bakas ng pinsala, gaya nang si Jesus ay walang pagkakahawig kay Jehova. Ang Jesus ngayon ay matagal nang walang kinalaman sa nakalipas na mga panahon. Paano kaya Siya makikilala ng mga tao? Ang mapanlinlang na si “Tomas” ay palaging nagdududa na Siya ay si Jesus na muling nabuhay, at nais niya na palaging makita ang mga peklat mula sa mga pako sa mga kamay ni Jesus bago siya maniniwala; hangga’t hindi niya nakikita ang mga iyon, palagi siyang magdududa, at walang kakayahang manindigan at sumunod kay Jesus. Kawawang “Tomas”—paano kaya niya malalaman na dumating na si Jesus upang gawin ang gawaing itinagubilin ng Diyos Ama? Bakit kailangang taglayin ni Jesus ang mga peklat ng pagkakapako sa krus? Ang mga peklat ba ng pagkakapako sa krus ang marka ni Jesus? Dumating na Siya upang gumawa para sa kalooban ng Kanyang Ama; bakit Siya darating nang nakadamit at nakagayak bilang isang Hudyo mula sa ilang libong taon na ang nakakaraan? Ang anyo kaya na ibinibihis ng Diyos sa katawang-tao ay makahahadlang sa gawain ng Diyos? Kaninong teorya ito? Kapag ang Diyos ay gumagawa, bakit ito kailangang maging alinsunod sa kathang-isip ng tao? Ang tanging bagay na pinagtutuunan ng Diyos sa Kanyang gawain ay ang magkaroon ito ng epekto. Hindi Siya sumusunod sa batas, at walang mga patakaran sa Kanyang gawain—paano ito maaarok ng tao? Paanong malinaw na makikita ng tao ang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang mga kuru-kuro at haka-haka? Kaya pinakamahusay na pumirmi kayo nang maayos: Huwag mabahala sa maliliit na bagay, at huwag palakihin ang mga bagay na bago lamang sa inyo—pipigilan ka nitong ipahiya ang sarili mo at maging katawa-tawa sa ibang tao. Naniwala ka na sa Diyos sa maraming taong ito nguni’t hindi mo pa rin nakikilala ang Diyos. Sa kahuli-hulihan, inilulubog ka sa pagkastigo, ikaw, na inilagay na “pinakamataas sa klase,”[9] ay isinasama sa hanay ng mga kinastigo. Mainam na huwag kang gumamit ng mga tusong pamamaraan upang ipagyabang ang iyong mga simpleng pandaraya. Maaari kayang tunay na madama ng iyong makitid na pananaw ang Diyos, na nakakakita mula sa walang-hanggan hanggang sa walang-hanggan? Matutulutan ba ng iyong mababaw na mga karanasan na makita mo nang ganap ang kalooban ng Diyos? Huwag kang maging palalo. Ang Diyos, matapos ang lahat, ay hindi mula sa mundo—kaya paanong ang Kanyang gawain ay magiging gaya ng iyong inaasahan?

Mga Talababa:

1. Ang “pasimunong ito ng lahat ng kasamaan” ay tumutukoy sa matandang diyablo. Ang pariralang ito ay nagpapahayag ng sukdulang pagkamuhi.

2. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.

3. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.

4. Ang “malayo” ay ginagamit nang patuya.

5. Ang “may kaayusan at mahinahong patnubay” ay ginagamit nang pakutya.

6. Ang “mapaboran” ay ginagamit upang tuyain ang mga taong parang blangko at walang kamalayan sa sarili.

7. Ang “nagdurusa ng sunud-sunod na sakuna” ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay ipinanganak sa lupain ng malaking pulang dragon, at hindi nila kayang itaas ang kanilang mga ulo.

8. Ang “ibigay ang iyong buong buhay” ay ipinapakahulugan sa paraang mapanirang-puri.

9. Ang “pinakamataas sa klase” ay ginagamit para tuyain ang mga marubdob na naghahabol sa Diyos.

Sinundan: Gawain at Pagpasok 7

Sumunod: Gawain at Pagpasok 9

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito