Gawain at Pagpasok 6

Likas na praktikal ang gawain at pagpasok; tumutukoy ang mga ito sa gawain ng Diyos at pagpasok ng tao. Ang ganap na kawalan ng kakayahan ng tao na maunawaan ang tunay na mukha ng Diyos at gawain ng Diyos ay nagdulot na ng sukdulang paghihirap sa kanyang pagpasok. Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng maraming tao ang gawain na tutuparin ng Diyos sa mga huling araw, o kung bakit nagtiis ang Diyos ng matinding kahihiyan upang magkatawang-tao at tumayong kasama ng tao sa hirap at ginhawa. Mula sa mithiin ng gawain ng Diyos hanggang sa layunin ng plano ng Diyos para sa mga huling araw, ganap na nangangapa sa dilim ang tao tungkol sa mga bagay na ito. Sa iba’t ibang kadahilanan, lagi nang maligamgam at walang katiyakan[1] ang mga tao tungkol sa pagpasok na hinihingi ng Diyos sa kanila, na nagdulot na ng sukdulang paghihirap sa gawain ng Diyos sa katawang-tao. Tila ba naging mga balakid ang lahat ng tao at, hanggang sa araw na ito, wala pa rin silang kalinawan. Dahil dito, sa palagay Ko ay dapat nating pag-usapan ang tungkol sa gawain na ginagawa ng Diyos sa tao, at ang agarang intensyon ng Diyos, upang lahat kayo ay maging tapat na mga lingkod ng Diyos, gaya ni Job, na mas nanaisin pang mamatay kaysa tanggihan ang Diyos, tinitiis ang bawa’t kahihiyan; at na, gaya ni Pedro, mag-aalay ng buong katauhan sa Diyos at maging mga kaniig na nakamit ng Diyos sa mga huling araw. Nawa’y maibigay ng lahat ng kapatirang lalaki at babae ang buong makakaya nila at ialay ang kanilang buong katauhan sa makalangit na kalooban ng Diyos, maging mga banal na lingkod sa bahay ng Diyos, at tamasahin ang pangako ng kawalang-hanggan na ipinagkaloob ng Diyos, upang maaaring matamasa ng puso ng Diyos Ama ang mapayapang kapahingahan sa lalong madaling panahon. “Tuparin ang kalooban ng Diyos Ama” ang dapat maging salawikain ng lahat ng umiibig sa Diyos. Dapat magsilbing gabay ng tao ang mga salitang ito sa pagpasok at kompas na gumagabay sa kanyang mga pagkilos. Ito ang pagpapasiyang dapat taglayin ng tao. Upang lubusang tapusin ang gawain ng Diyos sa lupa at makipagtulungan sa gawain ng Diyos sa katawang-tao—ito ang tungkulin ng tao, hanggang isang araw, kapag tapos na ang gawain ng Diyos, may kagalakang magpapaalam sa Kanya ang tao sa maaga Niyang pagbabalik sa Ama sa langit. Hindi ba ito ang responsibilidad na dapat tuparin ng tao?

Nang, sa Kapanahunan ng Biyaya, bumalik ang Diyos sa ikatlong langit, sa katunaya’y nakasulong na sa huling bahagi nito ang gawain ng pagtubos ng Diyos sa buong sangkatauhan. Ang tanging natira na lamang sa lupa ay ang krus na pinasan ni Jesus sa Kanyang likuran, ang pinong lino na ibinalot kay Jesus, at ang koronang tinik at matingkad na pulang balabal na isinuot ni Jesus (ito ang mga bagay na ginamit nang tuyain Siya ng mga Hudyo). Ibig sabihin, matapos magdulot ng matinding damdamin ang gawain ng pagpapapako sa krus ni Jesus, muling huminahon ang mga bagay-bagay. Mula noon, nagsimulang ipagpatuloy ng mga disipulo ni Jesus ang gawain Niya, nagpapastol at nagdidilig sa mga simbahan sa lahat ng dako. Ang mga sumusunod ang nilalaman ng kanilang gawain: Hiniling nila sa lahat ng tao na magsisi, ikumpisal ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo; at humayo ang lahat ng apostol upang ipalaganap ang totoong kuwento, ang di-barnisadong salaysay, ng pagpapapako sa krus ni Jesus, at kaya hindi napigilan ng lahat na magpatirapa sa harap ni Jesus upang ikumpisal ang kanilang mga kasalanan; at bukod diyan, humayo ang mga apostol sa lahat ng dako na hatid ang mga salitang binigkas ni Jesus. Nagsimula sa puntong iyon ang pagtatayo ng mga simbahan sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang ginawa ni Jesus sa kapanahunang iyon ay upang magsalita rin tungkol sa buhay ng tao at kalooban ng Ama sa langit, lamang, dahil ibang kapanahunan ito, malaki ang pagkakaiba ng marami sa mga kasabihan at mga pagsasagawang iyon kaysa sa ngayon. Gayunpaman, magkapareho sa diwa ang mga ito: Ang mga ito ay kapwa gawain ng Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, mismo at eksakto. Nagpatuloy hanggang sa ngayon ang ganitong uri ng gawain at pagbigkas, kaya ibinabahagi pa rin sa mga institusyong panrelihiyon ngayon ang ganitong uri ng bagay, at lubos na hindi nabago. Nang matapos ang gawain ni Jesus at nasa tamang landas na ni Jesucristo ang mga simbahan, gayunma’y pinasimulan ng Diyos ang Kanyang plano para sa isa pang yugto ng Kanyang gawain, na tungkol sa pagkakatawang-tao Niya sa mga huling araw. Sa paningin ng tao, ang pagpapapako sa krus ng Diyos ay tumapos sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, tumubos sa buong sangkatauhan, at nagtulot sa Kanyang agawin ang susi sa Hades. Iniisip ng lahat na ang gawain ng Diyos ay ganap nang natupad. Sa katunayan, mula sa pananaw ng Diyos, maliit lamang na bahagi ng Kanyang gawain ang natupad na. Tanging pagtubos sa sangkatauhan ang ginawa Niya; hindi pa Niya nalulupig ang sangkatauhan, lalo nang hindi pa Niya nababago ang satanikong mukha ng tao. Iyon ang dahilan kung bakit sinasabi ng Diyos, “Bagaman dumanas ng kirot ng kamatayan ang Aking katawang-tao, hindi iyon ang buong layunin ng Aking pagkakatawang-tao. Si Jesus ang pinakamamahal Kong Anak at ipinako sa krus para sa Akin, nguni’t hindi Niya ganap na tinapos ang Aking gawain. Ginawa Niya lamang ang isang bahagi nito.” Kaya pinasimulan ng Diyos ang ikalawang yugto ng mga plano upang ipagpatuloy ang gawain ng pagkakatawang-tao. Ang gawing perpekto at makamit ang lahat ng taong nasagip mula sa mga kamay ni Satanas ang pinakasukdulang intensyon ng Diyos, kung kaya naghanda ang Diyos na minsan pang suungin ang panganib ng pagkakatawang-tao. Tumutukoy sa Isa na hindi naghahatid ng kaluwalhatian ang kahulugan ng “pagkakatawang-tao” (dahil hindi pa tapos ang gawain ng Diyos), subali’t nagpapakita sa pagkakakilanlan ng pinakamamahal na Anak, at ang Cristo, na labis na kinalulugdan ng Diyos. Kaya nga ito ay sinasabing “pagsuong sa panganib.” Ang katawang-tao ay may katiting na kapangyarihan at dapat lubusang mag-ingat,[2] at malayung-malayo sa awtoridad ng Ama sa langit ang Kanyang kapangyarihan; tinutupad lamang Niya ang ministeryo ng katawang-tao, isinasakatuparan ang gawain ng Diyos Ama at ang Kanyang tagubilin nang hindi nasasangkot sa ibang gawain, at isinasakatuparan lamang Niya ang isang bahagi ng gawain. Kaya nga kaagad na pinangalanang “Cristo” ang Diyos nang pumarito Siya sa mundo—iyon ang nakapaloob na kahulugan sa pangalang iyon. Kaya sinasabi na may kasamang mga tukso ang pagparito ay dahil isang piraso lamang ng gawain ang isinasakatuparan. Bukod diyan, ang dahilan kaya tinatawag lamang Siya ng Diyos Ama na “Cristo” at “pinakamamahal na Anak,” subali’t hindi naipagkaloob sa Kanya ang lahat ng kaluwalhatian ay tiyak na dahil ang nagkatawang-tao ay pumaparito upang gawin ang isang piraso ng gawain, hindi upang kumatawan sa Ama sa langit, bagkus ay upang tuparin ang ministeryo ng pinakamamahal na Anak. Kapag nakumpleto ng pinakamamahal na Anak ang buong tagubiling tinanggap Niya sa Kanyang mga balikat, pagkakalooban na Siya ng Ama ng buong kaluwalhatian kasama ang pagkakakilanlan ng Ama. Masasabing ito ang “kodigo ng langit.” Dahil ang Isa na nagkatawang-tao at ang Ama sa langit ay nasa dalawang magkaibang dako, minamasadan lamang ng dalawa ang isa’t isa sa Espiritu, sinusubaybayan ng Ama ang pinakamamahal na Anak nguni’t hindi nagagawang makita ng Anak ang Ama mula sa malayo. Sapagka’t ang mga gawain kung saan may kakayahan ang laman ay masyadong kaunti at maaari Siyang mapatay anumang sandali, kaya masasabi na may kasamang pinakamalaking panganib ang pagparito na ito. Katumbas ito ng muling pagpapaubaya ng Diyos sa Kanyang pinakamamahal na Anak sa bunganga ng tigre, kung saan ang Kanyang buhay ay nasa panganib, inilalagay Siya kung saan pinakanakatuon si Satanas. Kahit sa gayong kahila-hilakbot na mga pangyayari, isinuko pa rin ng Diyos ang Kanyang pinakamamahal na Anak sa mga tao ng isang lugar na puno ng karumihan at kahalayan para kanilang “palakihin Siya hanggang sa hustong gulang.” Dahil iyon ang tanging paraan upang pagmukhain ang gawain ng Diyos na angkop at natural, at ito ang tanging paraan upang tuparin ang lahat ng inaasam ng Diyos Ama at isakatuparan ang huling bahagi ng Kanyang gawain sa sangkatauhan. Isinakatuparan lamang ni Jesus ang isang yugto ng gawain ng Diyos Ama. Dahil sa hadlang na ipinataw ng katawang-tao at mga pagkakaiba sa mga gawaing dapat isakatuparan, hindi alam ni Jesus Mismo na magkakaroon ng ikalawang pagbabalik sa katawang-tao. Samakatuwid, walang tagapagpaliwanag ng Bibliya o propeta ang naglakas-loob na ipropesiya nang malinaw na muling magkakatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, ibig sabihin, muli Siyang magkakatawang-tao upang gawin ang ikalawang bahagi ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Samakatuwid, walang sinumang nakapansin na matagal nang itinago ng Diyos ang Kanyang sarili sa katawang-tao. Hindi kataka-taka, dahil tinanggap lamang ni Jesus ang tagubiling ito pagkatapos na mabuhay na mag-uli at umakyat sa langit, kaya walang malinaw na propesiya tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, at hindi ito kayang maarok ng isip ng tao. Sa lahat ng maraming aklat ng propesiya sa Bibliya, walang salita na malinaw itong binabanggit. Subali’t nang naparito si Jesus upang gumawa, mayroon nang malinaw na propesiya na nagsasabing magdadalang-tao ang isang birhen, at magluluwal ng isang anak na lalaki, na nangangahulugang ipinaglihi Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Gayunpaman, sinabi pa rin ng Diyos na nangyari ito nang may panganib ng kamatayan, kaya’t gaano pa kaya ito higit na mapanganib ngayon? Hindi kataka-takang sinasabi ng Diyos na ang pagkakatawang-taong ito ay mas mapanganib nang libu-libong beses kaysa noong Kapanahunan ng Biyaya. Sa maraming lugar, ipinropesiya na ng Diyos na magkakamit Siya ng isang grupo ng mga mananagumpay sa lupain ng Sinim. Dahil sa Silangan ng mundo makakamit ang mga mananagumpay, kaya walang duda na sa lupain ng Sinim tatapak ang Diyos sa Kanyang ikalawang pagkakatawang-tao, sa mismong lugar kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon. Doon, makakamit ng Diyos ang mga inapo ng malaking pulang dragon upang ito ay lubusang matalo at mapahiya. Gigisingin ng Diyos ang mga taong ito, na labis na pinabibigatan ng pagdurusa, upang gisingin sila hanggang sila’y maging lubos na gising, at upang palakarin silang palabas ng hamog at tanggihan ang malaking pulang dragon. Gigising sila mula sa kanilang panaginip, makikilala ang diwa ng malaking pulang dragon, magagawang ibigay ang kanilang buong puso sa Diyos, aahon mula sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, tumayo sa Silangan ng mundo, at maging patunay ng tagumpay ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian. Ito ang tanging dahilan kaya dinala ng Diyos ang gawaing natapos sa Israel sa lupain kung saan namamalaging nakapulupot ang malaking pulang dragon at, halos dalawang libong taon pagkatapos lumisan, ay muling nagkatawang-tao upang ipagpatuloy ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya. Sa mga mata mismo ng tao, naglulunsad ang Diyos ng bagong gawain sa katawang-tao. Nguni’t sa pananaw ng Diyos, ipinagpapatuloy Niya ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya, na may pagitan lamang na ilang libong taon, at may pagbabago lamang sa lokasyon at sa programa ng Kanyang gawain. Kahit na ang imahe ng katawang-taong ginamit sa gawain ngayon ay waring ganap na naiiba kaysa kay Jesus, nagbubuhat Sila sa parehong diwa at ugat, at mula Sila sa parehong pinagmulan. Marahil ay marami Silang panlabas na mga pagkakaiba, nguni’t ang panloob na mga katotohanan ng Kanilang gawain ay ganap na magkapareho. Ang mga kapanahunan, pagkatapos ng lahat, ay magkaibang gaya ng gabi at araw. Kaya’t paano susundin ng gawain ng Diyos ang isang di-nagbabagong huwaran? O paano makasasagabal sa isa’t isa ang magkakaibang yugto ng Kanyang gawain?

Nag-anyong Hudyo si Jesus, nakiayon sa pananamit ng mga Hudyo, at lumaki na kumakain ng pagkaing Hudyo. Ito ang Kanyang normal na pantaong aspeto. Nguni’t ngayon ay nag-aanyong isang mamamayan ng Asya ang nagkatawang-taong laman at lumalaki sa bansa ng malaking pulang dragon. Sa anumang paraan ay hindi salungat ang mga ito sa mithiin ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Sa halip, pinupunan ng mga ito ang isa’t isa, mas ganap na isinasakatuparan ang tunay na kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Sapagka’t tinatawag na “Anak ng tao” o “ang Cristo” ang nagkatawang-taong laman, ang panlabas ng Cristo ngayon ay hindi maaaring tawagin sa mga katagang tulad kay Jesucristo. Matapos ang lahat, tinatawag ang lamang ito na “Anak ng tao” at nasa imahe ng isang katawang laman. Naglalaman ng napakalalim na kahulugan ang bawa’t yugto ng gawain ng Diyos. Kaya ipinaglihi si Jesus sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay dahil tutubusin Niya ang mga makasalanan. Kailangang wala Siyang kasalanan. Subali’t tanging sa huli, nang napilitan Siya na maging kawangis ng makasalanang laman at akuin ang mga kasalanan ng mga makasalanan, nagawa Niyang sagipin sila mula sa isinumpang krus, ang krus na ginamit ng Diyos upang kastiguhin ang sangkatauhan. (Ang krus ang kasangkapan ng Diyos para sa pagsumpa at pagkastigo sa sangkatauhan; sa tuwing nababanggit ang mga pagsumpa at pagkastigo, partikular na patungkol ito sa mga makasalanan.) Ang mithiin ay upang mapagsisi ang lahat ng makasalanan at, sa pamamagitan ng pagpapako sa krus, upang maging sanhi na ipagtapat nila ang kanilang mga kasalanan. Ibig sabihin, para sa kapakanan ng pagtubos sa buong sangkatauhan, nagkatawang-tao ang Diyos sa isang katawang laman na ipinaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at ipinasan sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Para isalarawan ito sa karaniwang wika, nag-alay Siya ng isang banal na katawang laman kapalit ng lahat ng makasalanan, na katumbas ng paglalagak kay Jesus bilang isang “handog para sa kasalanan” sa harap ni Satanas upang “magsumamo” kay Satanas na ibalik sa Diyos ang buong walang-salang sangkatauhan na niyurakan nito. Kaya kinailangan ang paglilihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu para sa katuparan ng yugtong ito ng gawain ng pagtubos. Kinakailangan itong kundisyon, isang “kasunduang pangkapayapaan” sa labanan sa pagitan ng Diyos Ama at ni Satanas. Iyon ang dahilan kung bakit natapos lamang ang yugtong ito ng gawain matapos na ipaubaya si Jesus kay Satanas. Gayunpaman, ang gawain ng pagtubos ng Diyos ay nagkamit na ngayon ng antas ng karingalan na walang katulad noon, at wala nang dahilan si Satanas na gumawa ng mga kahilingan, kaya hindi na kinakailangan ng Diyos na ipaglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu upang magkatawang-tao. Sapagka’t likas na banal at walang-sala ang Diyos, ang Diyos sa pagkakatawang-taong ito ay hindi na ang Jesus ng Kapanahunan ng Biyaya. Gayunpaman, nagkakatawang tao pa rin Siya alang-alang sa kalooban ng Diyos Ama at alang-alang sa katuparan ng ng mga kahilingan ng Diyos Ama. Tiyak na hindi ito isang di-makatuwirang paraan ng pagpapaliwanag sa mga bagay-bagay? Dapat bang sumunod ang pagkakatawang-tao ng Diyos sa itinakdang mga patakaran?

Maraming tao ang naghahanap ng katibayan sa Bibliya, umaasang makahanap ng hula ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Paano makakaya ng tao, sa kanyang magulo at hiwa-hiwalay na mga kaisipan, na malaman na matagal nang tumigil ang Diyos sa “paggawa” sa Bibliya at “nakalundag” na nang lampas sa mga hangganan nito upang isabalikat, nang may sigla at gana, ang gawain na matagal na Niyang isinaplano nguni’t hindi kailanman nasabi sa tao? Masyadong kulang sa katinuan ang mga tao. Pagkatapos matikman ang kakatiting na disposisyon ng Diyos, tumaas sila sa isang entablado at umupo sa isang mataas-na-uri ng “upuang de-gulong” nang may ganap na pagwawalang-bahala na siyasatin ang gawain ng Diyos, umaabot pa nga sa punto na nagsisimulang turuan ang Diyos nang may mayabang at paliguy-ligoy na pananalita tungkol sa lahat ng bagay sa ilalim ng araw. Maraming “matandang lalaki,” na may suot na salaming pambasa at hinahaplos ang kanyang balbas, ang nagbubuklat ng nanilaw na mga pahina ng “lumang almanake” (Bibliya) na buong buhay na niyang binabasa. Nang may pabulong na mga salita at mga matang tila kumikislap sa espiritu, bumabaling siya ngayon sa Aklat ng Pahayag, ngayon naman ay sa Aklat ng Daniel, at ngayon sa Aklat ng Isaias na kilalang-kilala ng lahat. Nakatitig sa bawa’t pahina na siksik ng maliliit na salita, tahimik siyang nagbabasa, umiikot nang walang tigil ang kanyang isipan. Biglang tumigil ang kamay na humahaplos sa balbas at nagsimulang hilahin ito. Paminsan-minsang may nakaririnig ng tunog ng pinapatid na balbas. Ikinabibigla ng isang tao ang gayong di-pangkaraniwang gawi. “Bakit gumagamit ng gayong puwersa? Ano ang lubha niyang ikinagagalit?” Sa minsan pang pagtingin sa matandang lalaki, nakikita natin na nangangalisag ang mga kilay niya ngayon. Bumaba na ang mga buhok ng namuting kilay, tulad ng mga balahibo ng gansa, sa eksaktong dalawang sentimetro mula sa mga talukap ng mata ng matandang lalaking ito, na para bang nagkataon lang at gayunman ay tamang-tama, habang nananatiling nakatitig ang matandang lalaki sa mga pahinang mukhang inaamag na. Matapos balikan ang mga pahina ring iyon nang ilang beses, hindi niya naiwasan na biglang mapatayo at nagsimulang makipagdaldalan na tila sandaling nakikipag-usap[3] sa isang tao, kahit na ang ningning na nagmumula sa kanyang mga mata ay hindi pa rin iniiwan ang almanake. Bigla niyang tinatakpan ang kasalukuyang pahina at bumabaling sa “isa pang mundo.” Lubhang nagmamadali[4] ang kanyang mga paggalaw at nakakatakot, na halos ikinagugulat ng mga tao. Sa kasalukuyan, ang daga na lumabas mula sa lungga nito at, sa panahon ng kanyang katahimikan, ay nagsisimula pa lang mapanatag nang sapat para kumilos nang malaya, ay lubhang naalarma sa kanyang di-inaasahang mga paggalaw na anupa’t tumakbo ito nang mabilis pabalik sa lungga at naglaho roon na parang usok, at hindi na muling magpapakita. At ngayon ay ipinagpatuloy ng kaliwang kamay ng matandang lalaki ang pansamantalang nahinto nitong paghaplos sa kanyang balbas, pataas at pababa, pataas at pababa. Lumalayo siya mula sa kanyang upuan, iniiwan ang aklat sa lamesa. Pumapasok ang hangin sa siwang sa pinto at bukas na bintana, walang-awang hinihipang pasara ang aklat at pagkatapos ay pabukas ulit. Mayroong hindi-maipahayag na kalungkutan sa tagpo, at maliban sa tunog ng mga pahina ng aklat na ipinapagaspas ng hangin, mistulang natahimik na ang lahat ng nilalang. Siya, na may mga kamay na magkadaop sa kanyang likod, ay palakad-lakad sa buong silid, ngayo’y tumitigil, ngayo’y nagsisimula, iiling-iling paminsan-minsan, at sa kanyang bibig ay tila inuulit-ulit ang mga salitang, “O! Diyos! Talaga bang gagawin Mo iyon?” Paminsan-minsan niya ring sinasabi, nang may pagtango, “O Diyos! Sino ang makaaarok sa Iyong gawain? Hindi ba mahirap hanapin ang Iyong mga bakas? Naniniwala akong hindi Ka gumagawa ng mga bagay na gagawa ng gulo nang walang mabuting dahilan.” Sa kasalukuyan, ikunukunot ng matandang lalaki ang kanyang mga kilay at mariing ipinipikit ang kanyang mga mata, na nagpapakita ng hitsura ng kahihiyan, gayundin ng lubhang nasasaktang ekspresyon, na tila malapit na siyang gumawa ng mabagal at pinag-isipang mabuting kalkulasyon. Kawawang matandang lalaki! Sa malaong yugtong ito ng kanyang buhay, “sa kasamaang-palad” ay sumapit siya sa bagay na ito. Ano ang maaaring gawin tungkol dito? Hindi Ko rin alam ang gagawin at walang kapangyarihang gawin ang anumang bagay. Sino ba ang dapat sisihin na naninilaw habang tumatagal ang kanyang lumang almanake? Sino ba ang dapat sisihin na ang kanyang balbas at mga kilay ay pumupuno, nang walang tigil, tulad ng puting niyebe, sa iba’t ibang bahagi ng kanyang mukha? Tila ba ang mga buhok sa kanyang balbas ay kumakatawan sa kanyang katandaan. Nguni’t sino ang nakaalam na maaaring maging hangal ang tao hanggang sa gayong antas na hahanapin niya ang presensya ng Diyos sa isang lumang almanake? Gaano karaming mga pilas ng papel ang kayang taglayin ng isang lumang almanake? Tunay bang kaya nitong itala ang lahat ng gawa ng Diyos? Sino ang nangangahas na garantiyahan iyan? Gayunman ay iniisip talaga ng tao na hanapin ang pagpapakita ng Diyos at tugunan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusuri ng mga salita at paghihimay-himay sa mga ito,[5] umaasa sa gayon na makapasok sa buhay. Ang pagsubok ba na pumasok sa buhay sa ganitong paraan ay gayon kadali? Hindi ba ito isang maling pangangatwiran ng pinakahangal na kahibangan? Hindi ba ito katawa-tawa para sa iyo?

Mga Talababa:

1. Ang “walang katiyakan” ay nagpapahiwatig na walang malinaw na pananaw tungo sa gawain ng Diyos ang mga tao.

2. Ang “ay may katiting na kapangyarihan at dapat lubusang mag-ingat” ay nagpapahiwatig na napakarami ng mga paghihirap ng katawang-tao, at masyadong limitado ang gawaing nagawa.

3. Ang “sandaling nakikipag-usap” ay isang metapora para sa pangit na mukha ng mga tao kapag nagsasaliksik sila tungo sa gawain ng Diyos.

4. Ang “nagmamadali” ay nagtumutukoy sa sabik, nagmamadaling mga paggalaw ng “matandang lalaki” habang tinutukoy niya ang Bibliya.

5. Ang “pagsusuri ng mga salita at paghihimay-himay sa mga ito” ay ginagamit para libakin ang mga dalubhasa sa mga kamalian, na nakikipagtalo sa maliliit na bagay tungkol sa mga salita nguni’t hindi hinahanap ang katotohanan o nalalaman ang gawain ng Banal na Espiritu.

Sinundan: Gawain at Pagpasok 5

Sumunod: Gawain at Pagpasok 7

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito