Gawain at Pagpasok 10
Ang ganito kalayong pag-unlad ng sangkatauhan ay isang sitwasyon na wala pang katulad. Magkasabay na sumusulong ang gawain ng Diyos at ang pagpasok ng tao, at sa gayon ang gawain ng Diyos, din, ay isang malaking okasyong walang katulad. Ang pagpasok ng tao, sa ngayon, ay isang kababalaghang hindi pa naisip kailanman ng tao. Narating na ng gawain ng Diyos ang kasukdulan nito—at, bilang kasunod, narating na rin ng “pagpasok” ng tao[1] ang rurok nito. Naibaba na ng Diyos ang Kanyang Sarili hanggang sa posibleng makakaya Niya, at kailanma’y hindi Siya nagprotesta sa sangkatauhan o sa sansinukob at sa lahat ng bagay. Ang tao, samantala, ay tumatayo sa ulo ng Diyos, umabot na sa rurok nito ang pagsiil ng tao sa Diyos; nakarating na sa pinakasukdulan ang lahat, at panahon na para magpakita ang araw ng pagkamakatuwiran. Bakit patuloy na hinahayaang matakpan ng karimlan ang lupain, at balutin ng kadiliman ang lahat ng bayan? Nagmasid na ang Diyos sa loob ng ilang libong taon—sa loob ng sampu-sampung libong taon pa nga—at matagal nang nasagad ang Kanyang pagpaparaya. Pinagmamasdan Niya ang bawat kilos ng sangkatauhan, minamatyagan Niya kung hanggang kailan lalaganap ang di-pagkamakatuwiran ng tao, gayunma’y ang tao, na matagal nang naging manhid, ay walang nararamdaman. At sino kailanman ang nagmatyag sa mga gawa ng Diyos? Sino kailanman ang tumingala at tumingin sa malayo? Sino kailanman ang nakinig nang mabuti? Sino kailanman ang napasa-kamay na ng Makapangyarihan sa lahat? Lahat ng tao ay pinahihirapan ng mga guni-guning takot.[2] Anong silbi mayroon ang bunton ng tuyong damo at dayami? Ang nagagawa lamang ng mga ito ay pahirapan ang Diyos na nagkatawang-tao hanggang kamatayan. Bagaman ang mga iyon ay mga bunton ng tuyong damo at dayami lamang, may isang bagay pa ring nagagawa ang mga ito na “pinakamagaling sa lahat”:[3] ang pahirapan ang Diyos hanggang sa mamatay at pagkatapos ay sumigaw ng “napapasaya nito ang puso ng mga tao.” Mga walang silbing tauhan! Kapansin-pansin, sa gitna ng walang-tigil na daloy ng mga tao, itinutuon nila ang kanilang pansin sa Diyos, pinalilibutan Siya ng di-mapapasok na barikada. Lalong nag-iinit ang nag-aapoy nilang kataimtiman,[4] napalibutan na nila nang pulu-pulutong ang Diyos, upang hindi Siya makagalaw kahit isang pulgada. Sa kanilang mga kamay, hawak nila ang lahat ng uri ng sandata, at tumitingin sila sa Diyos na parang tumitingin sa isang kaaway, puno ng galit ang kanilang mga mata; nangangati sila na “paggutay-gutayin ang Diyos.” Sobrang nakapagtataka! Bakit naging lubhang di-mapagkakasundong magkaaway ang tao at ang Diyos? Maaari kayang mayroong hinanakit sa pagitan ng pinakakaibig-ibig na Diyos at ng tao? Maaari kayang ang mga pagkilos ng Diyos ay walang pakinabang sa tao? Napipinsala ba ng mga ito ang tao? Pirming pinandidilatan ng tao nang di-natitinag ang Diyos, takot na takot na makakalusot Siya sa barikada ng tao, babalik sa ikatlong langit, at muling itatapon ang tao sa bartolina. Nag-iingat ang tao sa Diyos, siya’y balisa, at nag-aalumpihit sa lupa na may kalayuan, hawak ang isang “masinggan” na nakatutok sa Diyos sa gitna ng tao. Na para bang, sa pinakabahagyang pagkilos ng Diyos, papawiin ng tao ang lahat-lahat sa Kanya—ang buong katawan Niya at lahat na Kanyang isinusuot—na walang matitira kahit ano. Hindi na maaayos pa ang relasyon sa pagitan ng Diyos at ng tao. Hindi maintindihan ng tao ang Diyos; ang tao, samantala, ay sinasadyang magbulag-bulagan at maglaro lamang, lubusang ayaw makita ang Aking pag-iral, at hindi pinapatawad ang Aking paghatol. Sa gayon, kung kailan hindi ito inaasahan ng tao, tahimik Akong lumulutang palayo, at hindi Ko na ihahambing pa kung sino ang mataas at mababa sa tao. Pinakamababang “hayop” sa lahat ang sangkatauhan at hindi Ko na nais pang pansinin siya. Matagal Ko nang naibalik ang kabuuan ng Aking biyaya sa pook kung saan naninirahan Ako nang may kapayapaan; dahil napakasuwail ng tao, anong dahilan ang mayroon siya para tamasahin pa ang Aking mahalagang biyaya? Hindi Ko nais na ipagkaloob nang walang saysay ang Aking biyaya sa mga puwersang laban sa Akin. Igagawad Ko ang Aking mahahalagang bunga sa mga magsasaka ng Canaan na masisigasig, at marubdob na tinatanggap ang Aking pagbabalik. Ninanais Ko lamang na ang kalangitan ay magtagal nang walang-hanggan, at, higit pa riyan, na hindi kailanman tumanda ang tao, na mapasa-kapahingahan magpakailanman ang kalangitan at ang tao, at yaong mga “pino at sipres” na mga halamang laging sariwa ay samahan ang Diyos magpakailanman, at samahan magpakailanman ang kalangitan sa pagpasok sa pinakamainam na panahon nang magkasama.
Gumugol na Ako ng maraming araw at gabi kasama ang tao, tumira na Ako sa mundo kasama ang tao, at hindi Ako kailanman humingi ng anumang higit pa sa tao; lagi Ko lamang ginagabayan ang tao pasulong, wala Akong ginagawa kundi gabayan ang tao, at, para sa kapakanan ng tadhana ng sangkatauhan, walang tigil Kong isinasakatuparan ang gawain ng pagsasaayos. Sino ang kailanman ay nakaunawa sa kalooban ng Ama sa langit? Sino ang nakatawid na sa pagitan ng langit at lupa? Hindi Ko na nais pang igugol ang “katandaan” ng tao kasama siya, dahil masyadong makaluma ang tao, wala siyang nauunawaan; ang tanging nalalaman niya ay busugin ang kanyang sarili sa kapistahang Aking inihanda, walang pakialam sa lahat ng iba, hindi kailanman iniisip ang anumang iba pang bagay. Masyadong maramot ang sangkatauhan, ang ingay, lungkot, at panganib sa gitna ng tao ay masyadong matindi, at kaya hindi Ko nais na ibahagi ang mahalagang mga bunga ng pagtatagumpay na nakamit sa mga huling araw. Hayaan ang tao na tamasahin ang masaganang mga pagpapala na siya mismo ang may likha, dahil hindi Ako tinatanggap ng tao—bakit Ko pipilitin ang sangkatauhan na ngumiti nang pakunwari? Nawalan ng init ang bawat sulok ng mundo, walang bakas ng tagsibol sa buong kalupaan ng mundo, sapagka’t, tulad ng isang naninirahan sa tubig na nilalang, wala ni bahagyang init ang tao, para siyang isang bangkay, at kahit na ang dugong dumadaloy sa kanyang mga ugat ay mistulang matigas na yelo na nagpapanginig sa puso. Nasaan ang init? Ipinako ng tao ang Diyos sa krus nang walang dahilan, at pagkatapos nito’y hindi siya nakadama ni bahagyang pagsisisi. Kailanman wala pang sinuman ang nakadama ng panghihinayang, at ang malulupit na maniniil na ito ay nagbabalak pa rin na minsan pang “hulihing buhay”[5] ang Anak ng tao at dalhin Siya sa harap ng isang grupo ng berdugo, upang tapusin ang poot sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Anong pakinabang ang mayroon sa pananatili Ko sa mapanganib na lupaing ito? Kung mananatili Ako, ang tanging bagay na idudulot Ko sa tao ay paglalaban at karahasan, at walang katapusan ang problema, dahil hindi Ako kailanman nagdala ng kapayapaan sa tao, digmaan lamang. Dapat mapuno ng digmaan ang mga huling araw ng sangkatauhan, at ang hantungan ng tao ay dapat mabuwag sa gitna ng karahasan at paglalaban. Ayaw Ko na “makibahagi” sa “kaluguran” ng digmaan, hindi Ko sasamahan ang pagdanak ng dugo at sakripisyo ng tao, dahil ang pagtanggi ng tao ay nagtulak sa Akin sa “kawalang pag-asa,” at wala Akong pagnanais na makita ang mga digmaan ng tao—hayaang lumaban ang tao hangga’t gusto niya, gusto Kong magpahinga, gusto Kong matulog; hayaan ang mga demonyo na makasama ng sangkatauhan sa kanyang mga huling araw! Sino ang nakakaalam ng Aking kalooban? Dahil hindi Ako tinatanggap ng tao, at hindi niya Ako kailanman hinintay, ang kaya Ko lamang ay magpaalam sa kanya, at ipinagkakaloob Ko ang hantungan ng sangkatauhan sa kanya, iniiwan Ko ang lahat ng Aking kayamanan sa tao, inihahasik Ko ang Aking buhay sa kalagitnaan ng tao, itinatanim ang binhi ng Aking buhay sa bukid ng puso ng tao, iniiwanan siya ng walang-hanggang mga alaala, iniiwan ang Aking buong pag-ibig sa sangkatauhan, at ibinibigay sa tao ang lahat ng minamahal ng tao sa Akin, bilang regalo ng pag-ibig na matagal na nating pinananabikan sa isa’t isa. Gusto Ko na mahalin natin ang isa’t isa magpakailanman, na ang ating kahapon ang magandang bagay na ibinibigay natin sa isa’t isa, dahil ibinigay Ko na ang Aking kabuuan sa sangkatauhan—anong mga hinaing ang pwedeng magkaroon ang tao? Naiwan Ko na ang kabuuan ng Aking buhay sa tao, at nang wala ni isang salita, nagpagal na Ako nang husto upang bungkalin ang magandang lupain ng pag-ibig para sa sangkatauhan; hindi Ako kailanman humingi ng anumang katumbas sa tao, at wala Akong ginawa kundi magpasakop lang sa mga pagsasaayos ng tao at lumikha ng isang mas magandang bukas para sa sangkatauhan.
Bagaman mayaman at masagana ang gawain ng Diyos, labis na nagkukulang ang pagpasok ng tao. Sa pinagsamang “proyekto” sa pagitan ng tao at Diyos, halos lahat ng ito ay gawain ng Diyos; tungkol sa kung gaano na nakapasok ang tao, halos wala siyang maipapakita para dito. Ang tao, na sobrang hikahos at bulag, ay sinusukat pa nga ang kanyang lakas laban sa Diyos ng ngayon nang may “mga sinaunang sandata” sa kanyang mga kamay. Itong “mga sinaunang bakulaw” na ito ay hindi halos makalakad nang nakatayo, at walang makitang kahiya-hiya sa kanilang “hubad” na mga katawan. Ano ang karapatan nila para timbang-timbangin ang gawain ng Diyos? Napupuno ng matinding galit ang mga mata ng marami sa mga bakulaw na ito na may apat na biyas, at inilalaban nila ang kanilang sarili sa Diyos nang may mga sinaunang sandatang bato sa kanilang mga kamay, sinusubukang pasimulan ang isang paligsahan ng mga taong bakulaw na ang katulad ay hindi pa kailanman nasaksihan ng mundo, na magdaos ng isang paligsahan sa mga huling araw sa pagitan ng mga taong bakulaw at ng Diyos na magiging tanyag sa buong lupain. Bukod diyan, marami sa mga medyo-tuwid na sinaunang taong bakulaw na ito ay nag-uumapaw sa pagiging kampante. Buhol-buhol na ang balahibong tumatakip sa kanilang mga mukha, puno sila ng hangaring pumaslang at itaas ang kanilang unahang mga binti. Hindi pa sila lubusang nagiging makabagong tao, kaya minsan tumatayo sila nang matuwid, at minsan gumagapang sila, puno ng mga butil ng pawis ang kanilang noo tulad ng dikit-dikit na mga patak ng hamog—halatang-halata ang kanilang kasigasigan. Habang minamasdan ang malinis na sinaunang taong bakulaw, ang kanilang kasama, na nakatayo sa apat na paa, maumbok at mabagal ang apat na biyas nito, halos hindi kayang salagin ang mga ulos at walang lakas na gumanti, halos hindi nila mapigilan ang kanilang mga sarili. Sa isang kisap-mata—bago pa makita kung ano ang nangyari—ang “bayani” sa ring ay gumulung-gulong sa lupa, nakataas sa ere ang mga biyas. Ang mga biyas na iyon, na mali ang pagkatuntong sa lupa sa loob ng buong panahong iyon, ay bigla nang bumaligtad, at ang taong bakulaw ay nawalan na ng ganang lumaban. Mula sa sandaling ito, ang pinakasinaunang taong bakulaw ay binura mula sa ibabaw ng lupa—ito’y tunay na “malubha.” Dumating ang sinaunang taong bakulaw na ito sa gayong biglaang katapusan. Bakit ito kinailangang maglaho mula sa kamangha-manghang mundo ng tao nang ganoon kabilis? Bakit hindi nito tinalakay sa mga kasama nito ang susunod na hakbang ng estratehiya? Nakakalungkot na namaalam ito sa mundo nang hindi iniiwan ang lihim ng pakikipagsukatan ng lakas laban sa Diyos! Napaka-walang isip ng gayong sinaunang taong bakulaw para mamatay nang walang kalaban-laban, nawala nang hindi ipinapasa ang “sinaunang kultura at sining” sa mga inapo nito. Wala nang panahon para tawagin nito sa tabi nito ang pinakamalalapit sa kanya upang sabihin sa mga ito ang pag-ibig niya, wala itong iniwang mensahe sa tapyas ng bato, hindi nito nawari ang araw ng langit, at walang sinabi tungkol sa di-mailarawang paghihirap nito. Habang nalalagutan ng hininga, hindi nito tinawag ang mga inapo niya sa tabi ng namamatay niyang katawan para sabihin sa mga ito na “huwag umakyat sa ring para hamunin ang Diyos” bago nito ipinikit ang mga mata niya, ang apat na matitigas na biyas ay magpakailanmang nakataas na parang mga sanga ng punongkahoy na nakaturong pahimpapawid. Waring namatay ito ng isang mapait na kamatayan…. Walang anu-ano, may bumulagang malulutong na halakhak mula sa ilalim ng ring; isa sa mga medyo-tuwid na taong bakulaw ang hindi mapakali; habang hawak-hawak ang isang “batong pamalo” para sa pangangaso ng maiilap na hayop na mas moderno kaysa sa ginamit ng sinaunang taong bakulaw, tumalon ito papasok sa ring, puno ng matinding galit, isang pinaghandaan nang maigi na plano ang nasa isip nito.[6] Para bang nakagawa na ito ng isang bagay na kapuri-puri. Gamit ang “lakas” ng batong pamalo nito, nakayanan nitong tumayo nang matuwid sa loob ng “tatlong minuto.” Gaano kalakas ang “kapangyarihan” nitong ikatlong “binti”! Sinuportahan nito ang malaki, malamya at hangal na medyo-tuwid na taong bakulaw para makatayo sa loob ng tatlong minuto—hindi na kataka-taka na ang kagalang-galang[7] na matandang taong bakulaw na ito ay sobrang dominante. Gaya ng inaasahan, ang sinaunang kasangkapang bato “ay umaayon sa reputasyon nito”: Mayroong hawakan ng patalim, talim, at dulo, ang kapintasan lamang ay ang kawalan ng kinang sa talim—nakapanghihinayang iyon. Masdan muli ang “munting bayani” ng sinaunang panahon, nakatayo sa ring habang tinitingnan ang mga nasa ibaba nang may mapanghamak na titig, na para bang inutil na mabababa sila, at siya ang magiting na bayani. Sa puso nito, lihim itong nasusuklam sa mga nasa harap ng entablado. “Nasa kaguluhan ang bayan at may pananagutan ang bawat isa sa atin, bakit kayo umiiwas? Maaari kayang nakikita ninyong nahaharap sa kapahamakan ang bayan, pero hindi kayo makikisali sa madugong labanan? Nasa bingit ng kapahamakan ang bayan—bakit hindi kayo ang unang magpakita ng malasakit, at ang huling masiyahan sa inyong mga sarili? Paano ninyo natatagalang panoorin na bumabagsak ang bayan at nahuhulog sa pagkabulok ang mga tao nito? Nakahanda ba kayong tiisin ang kahihiyan ng pambansang pagkasakop? Mga walang silbi!” Habang iniisip niya ito, nagsisimula ang mga gulo sa harap ng entablado at lalo pang nagpupuyos sa galit ang mga mata nito, na parang nahahandang bumuga[8] ng apoy. Nangangati itong mabigo ang Diyos bago ang laban, desperadong patayin ang Diyos upang mapasaya ang mga tao. Wala itong alam na, bagaman maaaring may marapat na katanyagan ang kasangkapang bato nito, hindi nito kailanman malalabanan ang Diyos. Bago pa nito maipagtanggol ang sarili, bago pa ito makahiga at makatayo, gumiwang-giwang ito, nawalan na ng paningin ang parehong mata. Gumulong ito pababa sa sinaunang ninuno nito at hindi na muling bumangon; habang mahigpit na niyayapos ang sinaunang taong bakulaw, hindi na ito sumisigaw pa, at kinikilala ang kababaan nito, wala nang anumang pagnanasang lumaban. Yaong dalawang kawawang taong bakulaw ay namatay sa harap ng ring. Nakapanghihinayang na ang mga ninuno ng sangkatauhan, na nanatiling buhay hanggang sa kasalukuyang panahon, ay namatay sa kamangmangan sa araw kung kailan nagpakita ang Araw ng katuwiran! Anong laking kahangalan na pinabayaan nilang malampasan sila ng gayon kalaking pagpapala—na, sa araw ng kanilang pagpapala, ang mga taong bakulaw na naghintay na ng libu-libong taon ay nadala na ang mga pagpapala sa Hades para “matamasa” kasama ang hari ng mga diyablo! Bakit hindi panatilihin ang mga pagpapalang ito sa mundo ng mga buhay upang matamasa kapiling ng kanilang mga anak? Naghahanap lang sila ng gulo! Anong pag-aaksaya ito na, para sa kapakanan ng kaunting katayuan, reputasyon, at kayabangan, nagdurusa sila ng kasawian ng pagkakapaslang, nagkukumahog para siyang maunang magbukas ng mga tarangkahan ng impiyerno at maging mga anak nito. Napakawalang katuturan ang gayong halaga. Napakalungkot na ang gayong sinaunang mga ninuno, na “punung-puno ng pambansang diwa,” ay maaaring sobrang “mahigpit sa kanilang sarili pero sobrang mapagparaya sa iba,” ikinukulong ang kanilang sarili sa impiyerno, at sinasarhan yaong mga inutil na mabababa sa labas. Saan matatagpuan ang ganitong “mga kinatawan ng mga tao”? Para sa “kapakanan ng kanilang mga supling” at ng “mapayapang buhay ng darating na mga henerasyon,” hindi nila pinapayagan ang Diyos na manggulo, at sa gayon hindi pinag-uukulan ng anumang pansin ang kanilang sariling mga buhay. Nang walang pagpipigil, itinatalaga nila ang kanilang sarili sa “pambansang layunin,” pumapasok sa Hades nang walang imik. Saan matatagpuan ang gayong nasyonalismo? Habang nakikipagdigma sa Diyos, hindi nila kinatatakutan ang kamatayan, ni ang pagdanak ng dugo, lalong hindi sila nag-aalala sa kinabukasan. Basta lamang sila sumusugod sa labanan. Nakakalungkot na ang tanging nakukuha nila para sa kanilang “diwa ng katapatan” ay walang-hanggang panghihinayang, at pagkatupok sa laging naglalagablab na mga apoy ng impiyerno!
Nakakaintriga! Bakit palagi nang tinanggihan at nilait ng mga tao ang pagkakatawang-tao ng Diyos? Bakit hindi kailanman nagkaroon ng anumang pagkaunawa ang mga tao sa pagkakatawang-tao ng Diyos? Maaari kayang dumating ang Diyos sa maling panahon? Maaari kayang dumating ang Diyos sa maling lugar? Maaari kayang nangyayari ito dahil kumilos ang Diyos na nag-iisa, nang wala ang “pagsang-ayon” ng tao? Maaari kayang dahil nagpasya ang Diyos nang wala ang pahintulot ng tao? Ang mga katunayan ay nagsasaad na nagbigay ang Diyos ng paunang abiso. Walang ginawang mali ang Diyos sa pagiging tao—kailangan ba Niyang humingi ng pahintulot ng tao? Bukod diyan, pinaalalahanan ng Diyos ang tao matagal na ang nakalipas, marahil ay nakalimutan na ng mga tao. Hindi sila masisisi, dahil ang tao ay matagal nang nagawang tiwali ni Satanas kaya wala siyang maunawaan sa kung ano ang nangyayari sa ilalim ng kalangitan, lalo na sa mga nangyayari sa espirituwal na mundo! Sayang na ang mga ninuno ng tao, ang mga taong bakulaw, ay namatay sa ring, pero hindi ito nakapagtataka: Ang langit at ang lupa kailanma’y hindi naging magkaayon, at paanong ang mga taong bakulaw, na ang mga isipan ay yari sa bato, ay mag-aakala na maaaring maging tao na muli ang Diyos? Nakakalungkot na ang isang “matandang tao” na tulad nito na nasa “ika-animnapung taon nito” ay namatay sa araw ng pagpapakita ng Diyos. Hindi ba kamangha-mangha na nilisan nito ang mundo nang hindi pinagpala sa pagdating ng gayon kalaking pagpapala? Nagulantang na ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang lahat ng relihiyon at mga sektor, “nagulo” na nito ang orihinal na kaayusan ng mga pangkat ng relihiyon, at niyanig na nito ang mga puso ng lahat niyaong nananabik para sa pagpapakita ng Diyos. Sino ang hindi sumasamba? Sino ang hindi nananabik na makita ang Diyos? Maraming taon nang personal na nakasama ng Diyos ang tao, nguni’t hindi ito kailanman napagtanto ng tao. Ngayon, nagpakita na ang Diyos Mismo, at ipinakita ang Kanyang pagkakakilanlan sa masa—paanong hindi ito magdadala ng kaluguran sa puso ng tao? Minsa’y nakibahagi ang Diyos sa mga kagalakan at kalungkutan ng tao, at ngayon muli na Niyang nakasama ang sangkatauhan, at nagbabahagi sa kanya ng mga kuwento ng mga panahong lumipas. Pagkatapos Niyang umalis sa Judea, wala nang makitang bakas Niya ang mga tao. Naghahangad sila na minsan pang makita ang Diyos, nang hindi nalalaman na muli na nila Siyang nakatagpo ngayon, at muli na Siyang nakasama. Paanong hindi nito mapupukaw ang mga saloobin ng kahapon? Dalawang libong taon na ang nakakaraan ngayon, nakita ni Simon Bar-Jonas, ang inapo ng mga Hudyo, si Jesus na Tagapagligtas, nakisalo siya sa parehong mesa sa Kanya, at pagkatapos ng pagsunod sa Kanya sa loob ng maraming taon ay nakadama ng mas malalim na pagmamahal para sa Kanya: Minahal niya Siya mula sa kaibuturan ng kanyang puso; matindi niyang inibig ang Panginoong Jesus. Walang alam ang mga taong Hudyo kung paanong ang may ginintuang buhok na sanggol na ito, na ipinanganak sa isang maginaw na sabsaban, ang unang larawan ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Inisip nilang lahat na Siya ay katulad lamang nila, walang sinumang nag-isip na Siya ay iba—paano makikilala ng mga tao ang karaniwan at ordinaryong Jesus na ito? Inisip ng mga taong Hudyo na Siya ay isang Hudyong anak ng mga kapanahunan. Walang sinuman ang tumingin sa Kanya bilang isang kaibig-ibig na Diyos, at walang ginawa ang mga tao kundi humingi nang humingi sa Kanya, humihiling na bigyan Niya sila ng mayaman at saganang mga biyaya, at kapayapaan, at kagalakan. Ang alam lamang nila ay, tulad ng isang milyonaryo, mayroon Siya ng lahat ng bagay na kailanman ay maaaring naisin ng isa. Nguni’t hindi Siya kailanman itinuring ng mga tao bilang isa na minamahal; hindi Siya minahal ng mga tao ng panahong iyon, at tumutol lamang sa Kanya, at gumawa ng mga di-makatwirang paghingi sa Kanya. Hindi Siya kailanman lumaban, kundi ay patuloy na nagbigay ng mga biyaya sa tao, kahit na hindi Siya kilala ng tao. Wala Siyang ginawa kundi tahimik na magpadama sa tao ng init, pag-ibig, at awa, at higit pa, binigyan Niya ang tao ng bagong paraan ng pagsasagawa, inaakay ang tao palabas sa mga gapos ng batas. Hindi Siya minahal ng tao, nainggit lamang ito sa Kanya at kinilala ang Kanyang pambihirang mga talento. Paano malalaman ng bulag na sangkatauhan kung gaano katinding kahihiyan ang pinagdusahan ng kaibig-ibig na si Jesus na Tagapagligtas nang dumating Siya sa gitna ng sangkatauhan? Walang sinuman ang nagsaalang-alang ng Kanyang pagkabalisa, walang nakaalam ng pagmamahal Niya sa Diyos Ama, at walang sinuman ang maaaring makaalam ng Kanyang kalungkutan; kahit na si Maria ang Kanyang nagluwal na ina, paano niya malalaman ang mga saloobin sa puso ng mahabaging Panginoong Jesus? Sino ang nakaalam tungkol sa di-mabigkas na paghihirap na tiniis ng Anak ng tao? Pagkatapos na humingi nang humingi sa Kanya, kinalimutan na Siya ng mga tao ng panahong iyon, at pinalayas Siya. Kaya nagpagala-gala Siya sa mga kalye, araw-araw, taun-taon, nagpalaboy-laboy sa loob ng maraming taon hanggang Siya ay nabuhay na sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon ng paghihirap, mga taon na naging kapwa mahaba at maikli. Kapag kailangan Siya ng mga tao, Siya ay iniimbitahan nila sa kanilang mga tahanan nang nakangiti, sinusubukang manghingi sa Kanya—at pagkatapos Niyang nakapagbigay na sa kanila, kaagad nila Siyang itinutulak palabas ng pinto. Kinain ng tao kung ano ang ipinagkaloob mula sa Kanyang bibig, ininom nila ang Kanyang dugo, nagpakasaya sila sa mga biyaya na ipinagkaloob Niya sa kanila, gayunma’y sinalungat pa rin nila Siya, dahil hindi nila kailanman nalaman kung sino ang nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay. Sa huli, ipinako nila Siya sa krus, gayunma’y wala pa rin Siyang imik. Kahit ngayon, nananatili Siyang tahimik. Kinakain ng mga tao ang Kanyang laman, iniinom ang Kanyang dugo, kinakain nila ang pagkain na inihahanda Niya para sa kanila, at nilalakaran nila ang daang binuksan Niya para sa kanila, subalit balak pa rin nilang tanggihan Siya; sa katunayan itinuturing nila ang Diyos na nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay bilang kaaway, at sa halip itinuturing yaong mga aliping tulad lamang nila bilang ang Ama sa langit. Sa ganito, hindi ba nila sinasadyang salungatin Siya? Paano dumating si Jesus para mamatay sa krus? Alam ba ninyo? Hindi ba Siya ipinagkanulo ni Judas, na siyang pinakamalapit sa Kanya at kumain sa Kanya, uminom sa Kanya, at kinawilihan Siya? Hindi ba ipinagkanulo ni Judas si Jesus dahil isa lamang Siyang hamak at normal na guro? Kung talagang nakita ng mga tao na si Jesus ay hindi pangkaraniwan, at Isa na mula sa langit, paano nila Siya naipako nang buhay sa krus sa loob ng dalawampu’t apat na oras, hanggang sa wala na Siyang hiningang naiwan sa Kanyang katawan? Sino ang makakakilala sa Diyos? Walang anumang ginagawa ang mga tao kundi magpakasaya sa Diyos taglay ang walang-kabusugang kasakiman, nguni’t hindi nila kailanman Siya nakilala. Naging labis silang abusado at ginagawa nilang ganap na masunurin si “Jesus” sa kanilang mga atas, sa kanilang mga utos. Sino ang kailanman ay nagpakita ng anumang may kaugnayan sa landas ng awa tungo sa Anak ng tao na ito, na wala man lamang mahigaan ng Kanyang ulo? Sino ang kailanman ay naisip na makipagsanib-pwersa sa Kanya upang tuparin ang tagubilin ng Diyos Ama? Sino ang kailanman ay nag-isip sa Kanya? Sino ang kailanman ay naging maalalahanin sa Kanyang mga paghihirap? Nang wala kahit bahagyang pag-ibig, hinihila Siya ng tao paroo’t parito; hindi alam ng tao kung saan nanggaling ang kanyang liwanag at buhay, at walang anumang ginagawa kundi planuhin nang palihim kung paano minsan pang ipapako si “Jesus” ng dalawang libong taong nakalipas, na nakaranas na ng sakit sa gitna ng tao. Talaga bang pumupukaw si “Jesus” ng gayong poot? Lahat ba ng ginawa Niya ay matagal nang nakalimutan? Ang poot na nabuo sa loob ng libu-libong taon ay sasabog na sa wakas. Kayong kauri ng mga Hudyo! Kailan ba naging masama sa inyo si “Jesus,” na dapat ninyo Siyang kapootan nang sobra? Napakarami na ng Kanyang nagawa, at napakarami na Siyang nasalita—wala ba sa mga ito ang may benepisyo sa inyo? Naibigay na Niya ang Kanyang buhay sa inyo nang hindi humihingi ng anumang kapalit, naibigay na Niya ang Kanyang kabuuan sa inyo—talaga bang nais pa rin ninyong kainin Siya nang buhay? Naibigay na Niya ang Kanyang lahat sa inyo nang walang itinitirang anuman, nang hindi kailanman tinatamasa ang makamundong kaluwalhatian, ang pagkagiliw sa gitna ng tao, ang pag-ibig sa gitna ng tao, o ang lahat ng pagpapala sa gitna ng tao. Masyadong malupit ang mga tao sa Kanya, hindi Siya kailanman nagtamasa ng lahat ng kayamanan sa lupa, iniuukol Niya ang kabuuan ng Kanyang taos at magiliw na puso sa tao, naiukol na Niya ang Kanyang kabuuan sa sangkatauhan—at sino ang kailanman ay nagpadama na sa Kanya ng pagkagiliw? Sino ang kailanman ay nakapagdulot na sa Kanya ng kaaliwan? Naidagan na ng tao ang lahat ng pabigat sa Kanya, naipasa na niya ang lahat ng kasawian sa Kanya, naipilit na niya ang pinakasawing mga karanasan ng tao sa Kanya, isinisisi niya sa Kanya ang lahat ng kawalang-katarungan, at walang-imik na Niya itong tinanggap. Nagreklamo na ba Siya kailanman sa sinuman? Naningil na ba Siya kahit kailan ng kahit maliit na kabayaran mula sa sinuman? Sino ang kahit kailan ay nagpadama na sa Kanya ng anumang pagdamay? Bilang normal na mga tao, sino sa inyo ang hindi nagkaroon ng isang romantikong pagkabata? Sino ang hindi nagkaroon ng isang makulay na kabataan? Sino ang hindi kinagigiliwan ng mga mahal sa buhay? Sino ang hindi minamahal ng mga kamag-anak at mga kaibigan? Sino ang hindi iginagalang ng iba? Sino ang hindi kinagigiliwan ng pamilya? Sino ang hindi palagay ang loob sa kanilang mga pinagkakatiwalaan? At kahit kailan ba ay natamasa na Niya ang alinman sa mga ito? Sino ang kahit kailan ay naging magiliw na sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagpadama na sa Kanya ng kahit kaunting kaaliwan? Sino ang kahit kailan ay nagpakita na ng kaunting kabutihang-asal sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagparaya na sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nakasama na Niya sa panahon ng kahirapan? Sino ang kahit kailan ay dumanas na ng hirap ng buhay na kasama Siya? Hindi kailanman nabawasan ng tao ang kanyang mga hinihingi sa Kanya; humihingi lamang siya sa Kanya nang wala man lamang pangingimi, na para bang, dahil sa Siya’y pumarito sa mundo ng tao, kailangan Siyang maging kanyang baka o kabayo, kanyang bilanggo, at kailangang ibigay ang Kanyang lahat-lahat sa tao; kung hindi, hindi Siya kailanman patatawarin ng tao, hindi Siya kailanman tatantanan, hindi kailanman Siya tatawaging Diyos, at hindi Siya kailanman pag-uukulan ng mataas na pagpapahalaga. Masyadong mahigpit ang saloobin ng tao sa Diyos, na para bang desidido siyang pahirapan ang Diyos hanggang mamatay, saka lamang niya luluwagan ang kanyang mga hinihingi sa Diyos; kung hindi, hindi kailanman ibababa ng tao ang mga pamantayan ng kanyang mga hinihingi sa Diyos. Paanong hindi kamumuhian ng Diyos ang taong gaya nito? Hindi ba ito ang trahedya ng kasalukuyan? Nawawala ang budhi ng tao. Palagi niyang sinasabi na susuklian niya ang pag-ibig ng Diyos, nguni’t sinusuri niya ang Diyos at pinahihirapan Siya hanggang mamatay. Hindi ba ito ang “lihim na timpla” sa kanyang pananampalataya sa Diyos, na minana mula sa kanyang mga ninuno? Walang lugar na hindi mo nakikita ang mga “Hudyo,” at ngayon ginagawa pa rin nila ang parehong gawain, ginagawa pa rin nila ang parehong gawain ng pagsalungat sa Diyos, at gayunpaman ay naniniwala na itinataas nila ang Diyos. Paano kaya makikilala ng sariling mga mata ng tao ang Diyos? Paano kayang maituturing bilang Diyos ng tao, na namumuhay sa laman, ang nagkatawang-taong Diyos na nagmula sa Espiritu? Sino sa mga tao ang maaaring makakilala sa Kanya? Nasaan ang katotohanan sa gitna ng tao? Nasaan ang tunay na pagkamakatuwiran? Sino ang may kakayahan na malaman ang disposisyon ng Diyos? Sino ang kayang makipagpaligsahan sa Diyos sa langit? Hindi na kataka-taka na, noong dumating Siya sa gitna ng tao, walang nakakilala sa Diyos, at Siya ay tinanggihan. Papaanong matitiis ng tao ang pag-iral ng Diyos? Paano niya mahahayaan na itaboy ng liwanag ang kadiliman ng mundo? Hindi ba ang lahat ng ito ay mula sa marangal na pag-uukol ng tao? Hindi ba ito ang matuwid na pagpasok ng tao? At hindi ba ang gawain ng Diyos ay nakasentro sa pagpasok ng tao? Gusto Ko na isama ninyo ang gawain ng Diyos sa pagpasok ng tao, at itatag ang isang magandang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat magampanan ng tao sa abot ng inyong mga kakayahan. Sa ganitong paraan, darating na sa katapusan ang gawain ng Diyos, na magtatapos sa Kanyang pagtatamo ng kaluwalhatian!
Mga Talababa:
1. Ang “‘pagpasok’ ng tao” rito ay ipinahihiwatig ang suwail na pag-uugali ng tao. Sa halip na tumukoy sa pagpasok ng mga tao sa buhay—na positibo—tumutukoy ito sa kanilang negatibong pag-uugali at mga pagkilos. Malawak nitong tinutukoy ang lahat ng gawa ng tao na salungat sa Diyos.
2. Ang “pinahihirapan ng mga guni-guning takot” ay ginagamit upang tuyain ang lihis na buhay ng pagiging tao. Tumutukoy ito sa pangit na kalagayan ng buhay ng sangkatauhan, kung saan namumuhay ang mga tao kasama ang mga demonyo.
3. Ang “pinakamagaling sa lahat” ay sinasabi nang patuya.
4. Ang “lalong nag-iinit ang nag-aapoy nilang kataimtiman” ay patuyang sinasabi, at tumutukoy ito sa pangit na kalagayan ng tao.
5. Ang “hulihing buhay” ay tumutukoy sa marahas at karumal-dumal na pag-uugali ng tao. Brutal ang tao at hindi mapagpatawad tungo sa Diyos kahit katiting, at humihingi sa Kanya ng mga kakatwang kahilingan.
6. Ang “isang pinaghandaan nang maigi na plano ang nasa isip nito” ay patuyang sinasabi, at tinutukoy nito ang hindi pagkakilala ng mga tao sa kanilang mga sarili at kamangmangan sa tunay nilang tayog. Ito ay isang mapanirang-puring pahayag.
7. Ang “kagalang-galang” ay patuyang sinasabi.
8. Ang “bumuga” ay nagpapahiwatig ng pangit na kalagayan ng mga tao na nagpupuyos sa galit kapag tinatalo sila ng Diyos. Ipinahihiwatig nito ang lawak ng kanilang pagsalungat sa Diyos.