Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Sa huling pagtitipon, ang pangunahing paksa ng pagbabahagi ay ang apat na batayang kondisyon para magawang perpekto ang isang tao sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo. Ano-ano ang apat na batayang kondisyong ito? (Ang unang kondisyon ay ang pagtupad ng sapat sa tungkulin. Ang pangalawa ay ang pagkakaroon ng mentalidad ng pagpapasakop sa Diyos. Ang pangatlo ay ang simpleng pagiging isang matapat na tao. At ang pang-apat ay ang pagkakaroon ng nagsisising puso.) May ilang detalyeng nakapaloob sa bawat isa sa apat na kondisyong ito, gayundin ang mga kongkretong pagsasagawa at partikular na mga sanggunian. Sa katunayan, tinalakay na ang apat na paksang ito sa loob ng maraming taon. Kung muli nating pag-uusapan ang mga ito ngayon, maituturing ba iyong pagbabalik-tanaw sa nakalipas? (Hindi.) Bakit hindi ito maituturing na ganoon? Dahil ang mga nilalaman ng bawat isa sa apat na mga kondisyong ito ay may kinalaman sa realidad ng katotohanan at buhay pagpasok, hindi nauubos ang pagtalakay sa mga paksang ito. Karamihan sa mga tao ay hindi pa nakaaabot sa punto ng pagpasok sa realidad ng katotohanan; nauunawaan lamang nila ang mababaw na kahulugan ng katotohanan, nauunawaan lamang nila ang ilang simpleng doktrina. Bagaman nakapagbabahagi sila ng ilang realidad, hindi pa rin nila magawang makapasok sa mga katotohanang realidad. Kaya, anumang aspekto ng katotohanan ang nakapaloob, dapat madalas itong pinagbabahaginan at madalas na pinakikinggan. Sa ganitong paraan, mas lalalim ang pang-unawa ng mga tao sa iba’t ibang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang mga tunay na karanasan, at ang kanilang mga karanasan ay mas lalong magiging tumpak.

Kabubuod lamang natin sa apat na batayang kondisyon para magawang perpekto sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol at pagkastigo. Sunod, simulan natin ang ating pagtalakay sa unang kondisyon: ang pagtupad sa tungkulin nang sapat. Sinasabi ng ilang tao: “Ang mga talakayan nitong nakaraang dalawang taon ay tungkol lahat sa pagtupad sa tungkulin; partikular na sa kung paano tuparin ang tungkulin, paano ito tuparin nang maayos, aling mga prinsipyo ang dapat sundin sa pagtupad nito—sa aking puso, alam na alam ko ang mga bagay na ito gaya ng likod ng aking kamay, wala nang mas ililinaw pa ang mga ito. At sa mga nakalipas na ilang taon, ang aking pang-araw-araw na buhay ay pawang tungkol sa mga katotohanang kaugnay sa pagtupad sa aking tungkulin. Simula nang una kong gampanan ang aking tungkulin, naghanap ako, kumain at uminom, at nakinig sa mga katotohanang kaugnay rito, at kahit hanggang ngayon ay tinatalakay pa rin ang paksang ito. Matagal ko na itong nauunawaan sa aking puso; hindi ba’t ito ang pagtupad lamang nang sapat sa iyong tungkulin? Hindi ba’t ang pagtupad nang sapat sa tungkulin ay tungkol lamang sa pagsunod sa mga prinsipyong nabanggit dati? Mahalin ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, ng iyong buong kaluluwa, ng iyong buong isip, at ng iyong buong lakas; hanapin ang mga prinsipyo, huwag umasa sa iyong mga sariling kagustuhan, at makipag-ugnayan nang maayos habang tinutupad ang iyong tungkulin; pagsabayin ang pagtupad sa iyong tungkulin at ang buhay pagpasok—iyon na ang lahat-lahat.” Ang mga bagay na inyong kinahaharap at dinaranas sa pang-araw-araw na buhay ay ang mga paksa lamang na ito, kaya pawang ang mga iyon lamang ang nauunawaan ninyo. Gaano man karami ang nauunawaan ninyo, kailangan pa rin nating talakayin ang katotohanang ito ngayon. Kung may anumang naulit, iyon ay magiging kapaki-pakinabang din sa inyo, at magagawa ninyong pag-isipan itong muli; kung isa itong bagay na hindi pa natalakay noon, tanggapin ninyo ito. Paulit-ulit man ito o hindi, kailangan ninyong makinig nang mabuti. Isaalang-alang kung ano ang mga katotohanang sangkot dito, kung ang mga katotohanang ito ay may anumang pakinabang sa inyong buhay pagpasok, at kung matutulungan ba kayo ng mga ito na tuparin ang inyong tungkulin nang sapat. Kaya, talagang kailangang pag-usapan muli ang paksa kung paano ang pagtupad nang sapat sa tungkulin.

Tungkol sa sapat na pagtupad sa tungkulin, isantabi muna natin ang kahulugan ng “sapat” at sa halip ay pag-usapan ang tungkol sa kung ano ang tungkulin. Sa huli, malalaman ninyo kung ano ang tungkulin, kung ano ang maituturing na sapat, at kung paano dapat isakatuparan ang tungkulin; magkakaroon kayo ng isang landas ng pagsasagawa para sa pagtupad ng tungkulin nang naaayon sa pamantayan. Kung gayon, ano ang tungkulin? (Ang tungkulin ay ang ipinagkatiwala ng Diyos na gawin ng tao, ito ang dapat gawin ng isang nilikha.) Ang pahayag na ito ay kalahating tama lamang. Sa teorya, walang mali rito, subalit sa masusing pagsusuri, hindi kompleto ang paliwanag na ito; mayroon dapat na paunang kondisyon. Suriin natin ang paksang ito. Para sa bawat mananampalataya at walang pananampalataya, kung paano sila namumuhay, ano ang ginagawa nila sa mundong ito, at ang kanilang kapalaran—hindi ba’t ang lahat ng ito ay itinakda na ng Diyos? (Oo, itinakda Niya ito.) Halimbawa, sa mundong ito may ilang tao na nasa larangan ng musika. Ang paggawa ng musika ang misyon nila sa buhay; maituturing bang tungkulin nila ang misyong ito? (Hindi.) May ilang tao ang nakagawa ng mga pambihirang bagay sa mundong ito, na nakaaapekto sa buong sangkatauhan, gumagawa ng mga kontribusyon, at nakapagpabago pa nga ng isang panahon; ito ang misyon ng kanilang buhay. Matatawag ba ang misyon sa buhay na ito na kanilang tungkulin? (Hindi.) Subalit hindi ba’t ang misyon sa buhay na ito at kung ano ang kanilang ginawa sa kanilang buhay ay isang bagay na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos? Hindi ba’t isa itong bagay na dapat gawin ng isang nilikha? (Oo.) Tama iyan. Binigyan sila ng Diyos ng isang misyon, ipinagkatiwala sa kanila ang atas na ito, at, sa kabuuan ng sangkatauhan, bilang bahagi ng mismong sangkatauhan mismo, may bagay sila na dapat nilang gawin, isang responsabilidad na dapat nilang gampanan. Saanmang larangan sila naroon—ito man ay sa sining, pagnenegosyo, politika, ekonomika, siyentipikong pananaliksik, at iba pa—ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Subalit may isang pagkakaiba lamang; paano man ito inorden ng Diyos, ang mga taong ito ay nasa labas ng gawaing pamamahala ng Diyos. Itinuturing silang mga walang pananampalataya, at ang kanilang ginagawa ay labas sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung gayon, matatawag ba na tungkulin ang kanilang mga responsabilidad, ang atas ng Diyos na kanilang tinanggap, at ang kanilang misyon sa buhay? (Hindi.) Hindi sila nagsasakatuparan ng tungkulin, dahil ang kanilang ginagawa ay walang kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Ang lahat ng tao sa mundong ito ay pasibong tumatanggap sa atas ng Lumikha at sa misyong Kanyang ibinigay, subalit ang misyong tinatanggap ng mga taong hindi nananalig sa Diyos, at ang mga responsabilidad na kanilang tinutupad, ay hindi tungkulin, sapagkat ang mga ito ay walang kaugnayan at walang bahagi sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi nila tinatanggap ang Diyos, at hindi gumagawa sa kanila ang Diyos, kaya anumang responsabilidad ang kanilang ginagawa, at anumang atas ang kanilang tinatanggap o anumang misyon ang kanilang naisasakatuparan sa buhay na ito, hindi masasabi na sila ay tumutupad sa kanilang tungkulin. Kung gayon, ano nga ba ang tungkulin? Anong uri ng mga pang-unang kailangan ang dapat na idagdag para malinaw, tama, at komprehensibong maipaliwanag ang konseptong ito at ang katotohanan sa bagay na ito? Nauunawaan ba ninyo ang isang konsepto mula sa ating pagbabahaginan ngayon lang? Anong konsepto? Na para sa sinumang indibidwal sa sangkatauhan, gaano man kadakila ang misyong kanilang tinanggap, o ang antas ng pagbabago na kanilang naidulot, o ang lawak ng kanilang kontribusyon sa sangkatauhan, ang gayong misyon at atas ng Diyos ay hindi matatawag na mga tungkulin. Ito ay dahil walang kaugnayan ang mga ito sa plano ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan; mga misyon lamang ang mga ito. Kumilos man sila nang aktibo o pasibo, ang ginagawa nila ay pawang pagkompleto lamang sa isang misyon; pauna na itong itinakda ng Diyos. Sa madaling salita, hangga’t walang kinalaman ang kanilang mga pagkilos sa plano ng pamamahala ng Diyos, at walang kinalaman sa gawaing pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, kung gayon, ang pagtupad sa mga naturang misyon ay hindi matatawag na pagtupad sa tungkulin. Wala itong kaduda-duda. Kung gayon, ano ang tungkulin? Ganito dapat ito maunawaan: Ang tungkulin ay ang atas at misyong ibinigay ng Diyos na saklaw ng Kanyang gawain ng pamamahala upang iligtas ang sangkatauhan. Hindi ba’t ang paglalahad sa ganitong paraan ay kompleto at tumpak? Ang tumpak lamang ay ang katotohanan; ang hindi tumpak at may kinikilingan ay hindi ang katotohanan, kundi isang doktrina lamang. Kung hindi ganap na nauunawaan at lubusang nakikilala kung ano ang tungkulin, hindi mo talaga malalaman ang mga katotohanan na kaugnay sa tungkulin. Dati, maaaring maraming maling pagkaunawa ang mga tao tungkol sa tungkulin. Iyon ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, na nagdulot sa kung anu-anong kuru-kuro at di-malinaw na pagkaunawa. Pagkatapos ay ginamit ng mga tao ang mga kuru-kuro at kawalan ng di-malinaw na pagkaunawang ito upang ipaliwanag ang tungkulin, at pagkatapos ay itinuring ito batay sa mga ideyang ito. Halimbawa, iniisip ng ilang tao na dahil pauna nang itinakda ng Diyos ang buong buhay ng isang tao—sa kung anong uri siya ng pamilya isinilang, mayaman o mahirap man siya sa buhay, at kung anong propesyon ang kanyang hinahangad ay pawang pauna nang itinakda ng Diyos—kung gayon, anuman ang gawin ng isang tao sa buong buhay niya at ang mga bagay na kanyang naisasakatuparan ay pawang mga atas na ibinigay ng Diyos at ang kanyang misyon. Dahil lamang may kinalaman ito sa isang misyon, iniisip na niyang ito ay isang tungkulin. Ganito sila nagiging pabasta-basta sa kanilang pagkaunawa sa tungkulin. Hindi ba’t maling pagkaunawa ito? Ang ilang tao, na nagpakasal at nagkaanak, ay nagsasabing: “Ang pagkakaroon ng mga anak ay ang atas ng Diyos na ipinagkatiwala Niya sa atin, ito ang ating misyon. Tungkulin nating palakihin ang ating mga anak hanggang sa marating nila ang hustong gulang.” Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? At may ibang nagsasabing: “Inilagay tayo sa mundong ito para magsaka. Dahil iyon ang tadhana natin, dapat nating paghusayan ito, dahil ito ang atas at misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Gaano man tayo maghirap o magdusa, hindi tayo maaaring magreklamo. Ang pagsasaka nang maayos sa buong buhay na ito ang ating tungkulin.” Itinutumbas nila ang tadhana ng isang tao sa misyon at tungkulin nito. Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? (Oo.) Isa nga itong maling pagkaunawa. At may ilang tao rin na nagnenegosyo sa mundo, na nagsasabing, “Hindi ako nagtagumpay sa kahit na ano noon, subalit pagkatapos magnegosyo, naging medyo maayos at matatag ang buhay. Tila itinadhana ng Diyos na magnegosyo ako sa buong buhay na ito, para masuportahan ang aking pamilya sa pamamagitan nito. Kaya, kung sa buong buhay na ito ay gagalingan ko sa pagnenegosyo at palalawakin ang aking mga operasyon, magtutustos para sa bawat miyembro ng aking pamilya, kung gayon, ito ang aking misyon, at marahil ang misyong ito ang aking tungkulin.” Hindi ba’t isa itong maling pagkaunawa? Itinuturing ng mga tao ang kanilang pang-araw-araw na usapin, ang kanilang paraan ng paghahanap-buhay, ang natamo nilang pamumuhay, at ang kalidad ng buhay na kanilang tinatamasa—lahat ng bagay na may kinalaman sa kanilang misyon—bilang kanilang tungkulin. Hindi ito tama; isa itong baluktot na pagkaunawa kung ano ang tungkulin.

Kung gayon, ano nga ba ang tungkulin? Karamihan sa mga tao ay may ilang baliko at baluktot na pagkaarok sa bagay na ito. Kapag isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na magtanim ka ng mga butil at gulay, paano mo ituturing ang pagsasaayos na ito? Maaaring hindi ito mauunawaan ng ilang tao, sasabihing, “Ang pagsasaka ay para sa pagsuporta sa pamilya ng isang tao; hindi ito isang tungkulin. Hindi kasama sa konsepto ng tungkulin ang aspektong ito.” Bakit ganito ang pagkaunawa nila sa mga bagay-bagay? Ito ay dahil hindi nila nauunawaaan ang mga katotohanan na may kinalaman sa pagtupad sa tungkulin, at hindi nila nauunawaan kung ano ang tungkulin. Kung nauunawaan ng isang tao ang aspektong ito ng katotohanan, magiging handa siyang trabahuhin ang lupa. Malalaman niya na sa sambahayan ng Diyos, ang pagsasaka ay hindi ginagawa para sa kapakanan ng pagsuporta sa kanyang pamilya, kundi para bigyang-daan iyong mga gumaganap sa kanilang tungkulin nang buong-oras na patuloy na tuparin ito nang normal. Sa katunayan, ito ay isa ring atas ng Diyos; ang mismong gawain ay maaaring hindi mas makabuluhan sa isang linga, o marahil maging sa isang butil ng buhangin, subalit ano man ang kabuluhan nito, isa itong trabahong ginawa sa loob ng saklaw ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Sinasabi sa iyo ng Diyos ngayon na kinakailangan mong kompletuhin ang trabahong ito—paano mo ito nauunawaan? Dapat mo itong tanggapin bilang iyong tungkulin, at dapat mo itong tanggapin nang walang anumang palusot. Kung magpapasakop ka lamang sa pasibong paraan at magsasaka ka dahil iyon ang isinaayos para sa iyo, hindi iyon tama. May prinsipyo rito na dapat mong maunawaan: Ang pagsasaayos ng iglesia na ikaw ay magsaka at magtanim ng mga gulay ay hindi para maging mayaman ka, o hindi para makaraos ka at matustusan ang iyong pamilya; ito ay para matugunan mo ang mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos sa mga oras ng sakuna. Ito ay para matiyak na ang lahat ng mga tumutupad sa tungkulin sa sambahayan ng Diyos nang buong-oras ay magkakaroon ng pang-araw-araw nilang panustos, para maisakatuparan nila ang kanilang mga tungkulin nang normal nang hindi naaantala ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kaya, ang ilang taong nagsasaka sa bukid ng iglesia ay itinuturing na tumutupad ng kanilang tungkulin; iba ang kalikasan nito sa mga ordinaryong magsasaka na nagsasaka. Ano ang kalikasan ng pagsasaka para sa mga ordinaryong magsasaka? Ang mga ordinaryong magsasaka ay nagsasaka para sa kanilang mga pamilya at para mabuhay; ito ang inorden ng Diyos para sa kanila. Ito ang kanilang tadhana, kaya patuloy silang nagsasaka sa bawat sali’t salinlahi nila; wala itong anumang kinalaman sa kanilang tungkulin. Ngayon, dumating ka sa sambahayan ng Diyos at nagsasaka rin, subalit ito ay hinihingi ng gawain sa sambahayan ng Diyos; isa itong uri ng paggugol para sa Diyos. Iba ang kalikasan nito kumpara sa pagsasaka sa sarili mong lupa. Ito ay tungkol sa pagtupad sa iyong mga responsabilidad at obligasyon. Ito ang tungkuling dapat gampanan ng isang tao; ito ang atas at responsabilidad na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Ito, para sa iyo, ang iyong tungkulin. Kaya, kapag ikinukumpara ang tungkuling ito sa iyong makamundong misyon, alin ang mas mahalaga? (Ang aking tungkulin.) Bakit ganoon? Ang tungkulin ang hinihingi ng Diyos na gawin mo, ito ang Kanyang ipinagkatiwala sa iyo—ito ay bahagi ng dahilan. Ang isa pang pangunahing dahilan ay na kapag umaako ka ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos at tumatanggap ng atas ng Diyos, nagiging makabuluhan ka sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, sa tuwing may isinasaayos na gawin mo, mahirap man ito o nakapapagod na gawain, at gusto mo man ito o hindi, tungkulin mo ito. Kung maituturing mo itong isang atas at responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Diyos, sa gayon ay may kabuluhan ka sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa tao. At kung ang ginagawa mo at ang tungkuling ginagampanan mo ay may kabuluhan sa gawain ng Diyos ng pagliligtas ng tao, at kaya mong taimtim at taos-pusong tanggapin ang atas na ibinigay ng Diyos sa iyo, paano ka Niya ituturing? Ituturing ka Niya bilang isang miyembro ng Kanyang pamilya. Isa ba iyong pagpapala o isang sumpa? (Isang pagpapala.) Isa itong malaking pagpapala. Nagrereklamo ang ilang tao kapag humaharap sila sa kaunting paghihirap habang tumutupad ng tungkulin, nang hindi pinapahalagahan ang napakalaking biyayang kanilang natanggap nang walang kamalay-malay. Hindi ba’t sadyang kahangalan ang magreklamo tungkol sa Diyos pagkatapos makapagkamit ng napakaraming pakinabang? Sa puntong ito, napakahalagang maunawaan ang katotohanan, na makilala na ito ang iyong tungkulin at dapat na tanggapin ito mula sa Diyos. Ngayon, mayroon ba kayong panibagong pagkaunawa o panibagong kabatiran sa kung ano ang tungkulin? Malalim na ba ninyo itong nauunawaan? Mahalaga ba ang tungkulin para sa pagtanggap sa kaligtasan? (Oo.) Gaano ito kahalaga? Masasabing may direktang kaugnayan sa pagitan ng pagtupad sa tungkulin at pagkamit ng kaligtasan. Anumang misyon ang iyong natapos sa buhay na ito, kapag hindi mo isinasakatuparan ang iyong tungkulin, wala kang kinalaman sa pagkamit ng kaligtasan. Sa madaling salita, gaano man kadakila ang mga gawaing naisakatuparan mo sa buhay na ito kung ihahambing sa ibang tao, kinokompleto mo lamang ang iyong misyon; hindi mo pa natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kaya’t wala kang kinalaman sa pagtanggap ng kaligtasan o sa gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan.

Sa sambahayan ng Diyos, palaging nababanggit ang pagtanggap sa atas ng Diyos at pagganap nang maayos sa tungkulin ng isang tao. Paano nabubuo ang tungkulin? Sa malawak na pananalita, nabubuo ito bilang bunga ng gawaing pamamahala ng Diyos na naghahatid ng kaligtasan sa sangkatauhan; sa partikular na pananalita, habang nahahayag sa sangkatauhan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, lumilitaw ang sari-saring gawain na nangangailangan na magtulungan ang mga tao at tapusin ito. Dahil dito, umusbong ang mga responsabilidad at mga misyon na dapat tuparin ng mga tao, at ang mga responsabilidad at mga misyon na ito ang mga tungkuling iginagawad ng Diyos sa sangkatauhan. Sa sambahayan ng Diyos, ang iba’t ibang gawain na nangangailangan ng pagtutulungan ng mga tao ay ang mga tungkuling dapat nilang gampanan. Kaya’t may mga pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tungkulin kung ang pag-uusapan ay kung alin ang higit na mabuti at higit na masama, mataas at mababa, malaki at maliit? Hindi umiiral ang ganoong mga pagkakaiba; hangga’t ang isang bagay ay may kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos, isang pangangailangan sa gawain ng Kanyang sambahayan, at kinakailangan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos, ito ay tungkulin ng isang tao. Ito ang pinagmulan at kahulugan ng tungkulin. Kung wala ang gawain ng pamamahala ng Diyos, magkakaroon kaya ang mga tao sa lupa—paano man sila namumuhay—ng mga tungkulin? Hindi. Ngayon ay malinaw mo nang nakikita. Saan nauugnay ang tungkulin ng isang tao? (Nauugnay ito sa gawain ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan.) Tama iyan. Direktang magkaugnay ang mga tungkulin ng sangkatauhan, ang mga tungkulin ng mga nilikha, at ang gawain ng pamamahala ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Masasabing kapag wala ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at kapag wala ang gawain ng pamamahala ng nagkatawang-taong Diyos na inilunsad Niya sa mga tao, walang magiging anumang tungkulin ang mga tao. Nagmumula ang mga tungkulin sa gawain ng Diyos; ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Kung titingnan ito mula sa perspektibang ito, mahalaga ang tungkulin para sa lahat ng mga tao na sumusunod sa Diyos, hindi ba? Ito ay napakahalaga. Sa pangkalahatan, nakikibahagi ka sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos; sa mas partikular, tumutulong ka sa iba’t ibang uri ng trabaho ng Diyos na hinihingi sa iba’t ibang oras at sa iba’t ibang grupo ng tao. Kahit ano pa ang iyong tungkulin, ito ay isang misyon na ibinigay sa iyo ng Diyos. Minsan ay maaaring hinihingi sa iyo na bantayan o pangalagaan mo ang isang mahalagang bagay. Maaaring ito ay isang medyo maliit na bagay na masasabi lamang na iyong responsabilidad, subalit isa itong gawain na ibinigay sa iyo ng Diyos, tinanggap mo ito mula sa Kanya. Tinanggap mo ito mula sa mga kamay ng Diyos, at ito ang iyong tungkulin. Kung pag-uusapan ang pinaka-ugat ng usapin, ang iyong tungkulin ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Pangunahin na kabilang dito ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, pagpapatotoo, paggawa ng mga bidyo, pagiging isang lider o manggagawa ng iglesia, o maaaring ito ay isang gawain na mas mapanganib pa at mas mahalaga. Ano’t anuman, hangga’t may kinalaman ito sa gawain ng Diyos at sa pangangailangan ng gawain para sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat tanggapin ito ng mga tao bilang isang tungkulin na mula sa Diyos. Ang tungkulin, sa pangkalahatan, ang misyon ng isang tao, isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos; sa mas partikular, ito ang iyong responsabilidad, ang iyong obligasyon. Dahil ito ang iyong misyon, isang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ang iyong responsabilidad at obligasyon, ang pagtupad sa iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga personal na usapin. Walang kinalaman ang tungkulin sa mga personal na usapin—bakit nababanggit ang paksang ito? Dahil dapat maunawaan ng mga tao kung paano ituring at kung paano unawain ang kanilang tungkulin. Ang tungkulin ang atas na tinatanggap ng mga nilikha at ang misyon na dapat nilang kompletuhin sa loob ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Alam ng mga tao ang pangkalahatang konsepto, subalit paano ang mas maliliit na detalye? Paano dapat harapin ng isang tao ang kanyang mga tungkulin para maituring na mayroon siyang tamang pagkaunawa? Itinuturing ng ilang tao ang kanilang tungkulin bilang kanilang mga personal na usapin; ito ba ang tamang prinsipyo? (Hindi.) Bakit ito mali? Ang paggawa ng mga bagay para sa iyong sarili ay hindi pagganap sa iyong tungkulin. Ang pagganap sa iyong tungkulin ay hindi tungkol sa paggawa ng mga bagay para sa iyong sarili, bagkus ay ang paggawa ng gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos—may pagkakaiba ang dalawa. Ano ang prinsipyo pagdating sa paggawa ng mga bagay para sa iyong sarili? Ito ay ang paggawa ng anumang iyong naisin nang hindi kumokonsulta sa iba, at nang hindi nagdarasal o naghahanap sa Diyos; ito ay pagkilos nang ayon sa iyong sariling mga kapritso at nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahihinatnan hangga’t nakikinabang ka rito. Katanggap-tanggap ba ang prinsipyong ito sa pagganap ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao na, “Ni hindi ko sineseryoso ang aking mga sariling usapin o hindi ko ito masyadong pinagsusumikapan. Itinuturing ko ang aking tungkulin na tila ito ang sarili kong usapin, at ang prinsipyong ito ay tiyak na naaangkop.” Ito ba ang tamang paraan ng pagtanggap sa tungkulin? Talagang hindi. Kung gayon, ano ang dapat na maging tamang saloobin ng isang tao sa tungkulin? (Tanggapin ito mula sa Diyos.) “Tanggapin ito mula sa Diyos.” Madaling sabihin ang limang salitang ito, subalit ang aktuwal na pagsasagawa sa katotohanan na nakapaloob sa mga ito ay nakabatay sa kung paano mo tinatrato ang iyong tungkulin. Ngayon lamang ay tinukoy natin kung ano ang tungkulin. Nagmumula ang tungkulin sa Diyos, isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos, nauugnay ito sa gawain ng Kanyang plano ng pamamahala at pagliligtas sa tao. Mula sa pananaw na ito, may kinalaman ba ang tungkulin sa iyong mga personal na prinsipyo ng pag-asal? May kahit anong kinalaman ba ito sa iyong mga hilig, kinagawian, o sa iyong mga karaniwang ginagawa? Wala ni katiting. Kung gayon, saan nauugnay ang tungkulin? Nauugnay ito sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao: “Yamang sa akin itinalaga ang tungkuling ito, kung gayon ay sarili ko na itong usapin. At mayroon akong pinakamataas na prinsipyo sa pagtupad ng tungkulin, na wala kayo. Hinihingi ng Diyos sa mga tao na isakatuparan ang kanilang tungkulin nang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. Subalit, dagdag dito, may mas mataas pa akong prinsipyo, na ituring ang aking tungkulin na para bang malaking alalahanin ko ito, at gawin ito nang masigasig at magsikap para matamo ang pinakamainam na resulta.” Tama ba ang prinsipyong ito? (Hindi.) Bakit ito mali? Kung tinatanggap mo ang iyong tungkulin mula sa Diyos at sa iyong puso ay malinaw sa iyo na ipinagkakatiwala Niya ito sa iyo, paano mo dapat ituring ang atas na ito? Nauugnay ito sa mga prinsipyo ng pagtupad sa tungkulin. Hindi ba’t higit na mas matayog na ituring ang tungkulin ng isang tao bilang atas ng Diyos kaysa bilang sariling usapin ng isang tao? Hindi ito magkapareho, hindi ba? Kung ituturing mo ang iyong tungkulin bilang isang usapin na atas ng Diyos, bilang pagganap sa iyong tungkulin sa harap ng Diyos, at bilang pagpapalugod sa Diyos sa pamamagitan ng pagganap sa tungkulin, gayon, ang iyong prinsipyo sa pagtupad sa tungkulin ay hindi lang ang simpleng ituring ito bilang iyong sariling usapin. Ano ang saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin, na matatawag na tama at naaayon sa mga layunin ng Diyos? Una, hindi mo puwedeng suriing mabuti kung sino ang nagsaayos nito, kung ano ang antas ng pamumuno ng nagtalaga nito—dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos. Hindi mo ito maaaring suriin, dapat mong tanggapin ito mula sa Diyos. Ito ay isang kondisyon. Bukod pa riyan, anuman ang tungkulin mo, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa. Ipagpalagay na sinasabi mong, “Bagama’t ang gawaing ito ay isang atas mula sa Diyos at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kung gagawin ko ito, baka maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Ang iba ay may gawain na tinutulutan silang mamukod-tangi. Ibinigay sa akin ang gawaing ito, na hindi ako hinahayaang mamukod-tangi kundi pinapagugol ako ng sarili ko nang hindi nakikita, hindi ito patas! Hindi ko gagawin ang tungkuling ito. Ang tungkulin ko ay dapat iyong mamukod-tangi ako sa iba at tinutulutan akong magkapangalan—at kahit na hindi ako magkapangalan o mamukod-tangi, dapat pa rin akong makinabang dito at maging pisikal na maginhawa.” Ito ba ay katanggap-tanggap na saloobin? Ang pagiging maselan ay hindi pagtanggap sa mga bagay mula sa Diyos; ito ay pagpili ayon sa iyong mga sariling kagustuhan. Hindi ito pagtanggap ng iyong tungkulin; ito ay pagtanggi sa iyong tungkulin, isang pagpapamalas sa iyong paghihimagsik laban sa Diyos. Ang ganoong pagkamaselan ay nahahaluan ng mga pansarili mong kagustuhan at pagnanais. Kapag isinasaalang-alang mo ang iyong sariling pakinabang, ang iyong reputasyon, at iba pa, ang saloobin mo sa iyong tungkulin ay hindi mapagpasakop. Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa iyong tungkulin? Una, hindi mo ito dapat suriin, sinusubukang tukuyin kung sino ang nagtalaga nito sa iyo; sa halip, dapat mo itong tanggapin mula sa Diyos, bilang isang tungkuling ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at dapat mong sundin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at tanggapin ang iyong tungkulin mula sa Diyos. Ikalawa, huwag kang mamili kung ano ang mataas at mababa, at huwag mong abalahin ang sarili mo tungkol sa kalikasan nito, kung tinutulutan ka man nitong mamukod-tangi o hindi, kung ito man ay ginagawa sa harap ng publiko o nang hindi nakikita. Huwag mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Mayroon pang ibang saloobin: pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Kung pakiramdam mo ay kaya mong gampanan ang isang partikular na tungkulin, ngunit takot ka ring magkamali at matiwalag, kaya naman ikaw ay kimi, hindi umuusad, at hindi umuunlad, isa ba iyang mapagpasakop na saloobin? Halimbawa, kung hinirang ka ng iyong mga kapatid na maging lider nila, maaari mong madama na obligado kang gampanan ang tungkuling ito dahil ikaw ang hinirang, ngunit hindi mo tinitingnan ang tungkuling ito nang may maagap na saloobin. Bakit hindi ka maagap? Dahil may mga iniisip ka tungkol dito, at pakiramdam mo ay, “Ni hindi man lang magandang bagay ang maging isang lider. Para bang kaunting galaw mo lang ay maaari kang malagay sa alanganin. Kung magiging mahusay ang paggawa ko, wala namang gantimpala, ngunit kung hindi maganda ang trabaho ko, pupungusan ako. At ang mapungusan ay hindi pa ang pinakamalala. Paano kung palitan ako o itiwalag? Kung mangyayari iyon, hindi ba’t katapusan na ng lahat para sa akin?” Sa puntong iyon, nagsisimula kang malito. Ano ang saloobing ito? Ito ay pagiging mapagbantay at maling pagkaunawa. Hindi ito ang saloobing dapat taglayin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ito ay isang demoralisado at negatibong saloobin. Kung gayon, paano ba dapat ang isang positibong saloobin? (Dapat tayong maging bukas-puso at tapat, at magkaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin.) Ito ay dapat na maging saloobin ng pagpapasakop at aktibong pakikipagtulungan. Ang inyong sinasabi ay medyo walang kabuluhan. Paano ka magiging bukas-puso at tapat kung natatakot ka nang ganito? At ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin? Anong mentalidad ang magbibigay sa iyo ng tapang na akuin ang mga pasanin? Kung palagi kang natatakot na may mangyayaring hindi maganda at hindi mo ito mapapangasiwaan, at marami kang pag-aatubili sa iyong kalooban, kung gayon ay pundamental kang mawawalan ng tapang na tanggapin ang mga pasanin. Ang “pagiging bukas-puso at tapat,” “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin,” o “hindi pag-atras kailanman kahit pa sa harap ng kamatayan” na sinasabi ninyo, ay tila katulad ng mga islogang isinisigaw ng galit na mga kabataan. Malulutas ba ng mga islogang ito ang mga praktikal na problema? Ang kinakailangan ngayon ay ang tamang saloobin. Para magkaroon ng tamang saloobin, dapat mong maunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Ito ang tanging paraan para malutas ang iyong mga suliranin sa iyong kalooban, at para matulutan kang maluwag na tanggapin ang atas na ito, ang tungkuling ito. Ito ang landas ng pagsasagawa, at ito lamang ang katotohanan. Kung gumagamit ka ng mga salitang tulad ng “pagiging bukas-puso at tapat” at “pagkakaroon ng tapang na akuin ang mga pasanin” para tugunan ang takot na iyong nararamdaman, magiging epektibo ba ito? (Hindi.) Ipinahihiwatig nito na ang mga bagay na ito ay hindi ang katotohanan, o ang landas ng pagsasagawa. Maaari mong sabihin, “Ako ay bukas-puso at tapat, ako ay may tayog na hindi matitinag, walang ibang kaisipan o karumihan ang aking puso, at mayroon akong tapang na akuin ang mga pasanin.” Sa panlabas ay inaako mo ang iyong tungkulin, ngunit kalaunan, pagkatapos pag-isipan ito nang ilang sandali, nararamdaman mo pa ring hindi mo ito kayang akuin. Maaaring natatakot ka pa rin. Dagdag pa rito, maaari mong makita ang iba na pinupungos, at lalo kang matatakot, tulad ng isang nilatigong aso na takot sa sinturon. Mas mararamdaman mong masyadong mababa ang iyong tayog, at na ang tungkuling ito ay isang pagsubok na napakalaki at mahirap lagpasan, at sa huli ay hindi mo pa rin makakayang akuin ang pasaning ito. Ito ang dahilan kaya hindi nalulutas ng pagbikas ng mga islogan ang mga praktikal na problema. Kaya paano mo aktuwal na malulutas ang problemang ito? Aktibo mo dapat na hanapin ang katotohanan at magkaroon ng isang nagpapasakop at nakikipagtulungan na saloobin. Ganap na malulutas niyon ang problema. Walang silbi ang pagkamahiyain, takot, at pag-aalala. Mayroon bang anumang kaugnayan sa pagitan ng kung mabubunyag ka at maititiwalag at sa pagiging isang lider? Kung hindi ka isang lider, mawawala ba ang iyong tiwaling disposisyon? Sa malao’t madali, kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito kung hindi ka isang lider, hindi ka magkakaroon ng mas marami pang oportunidad na magsagawa at magiging mabagal ang iyong pag-usad sa buhay, na may kakaunting pagkakataon para magawang perpekto. Bagaman medyo mas marami ang pagdurusa sa pagiging isang lider o manggagawa, nagdudulot din ito ng maraming pakinabang, at kung kaya mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, maaari kang magawang perpekto. Napakalaking pagpapala niyon! Kaya dapat kang magpasakop at aktibong makipagtulungan. Ito ang iyong tungkulin at ang iyong responsabilidad. Anuman ang daan sa hinaharap, dapat kang magkaroon ng puso ng pagpapasakop. Ito dapat ang iyong saloobin sa pagtupad mo ng iyong tungkulin.

Ang paksa ng pagganap sa tungkulin ng isang tao ay pamilyar sa lahat; hindi ito isang bagong paksa. Gayunpaman, para sa mga tao na nananalig sa Diyos, napakahalaga ng paksang ito; ito ay isang katotohanang dapat unawain at pasukin. Dapat gampanan nang mabuti ng mga nilikha ang kanilang tungkulin bago sila sang-ayunan ng Lumikha. Kaya, napakahalagang maunawaan ng mga tao kung ano ba ang ibig sabihin ng pagganap sa tungkulin. Ang pagganap sa tungkulin ay hindi isang uri ng teorya, ni isang islogan; isa itong aspekto ng katotohanan. Kung gayon ay ano ang ibig sabihin ng pagganap sa tungkulin? At ano-anong problema ang kayang lutasin ng pag-unawa sa aspektong ito ng katotohanan? Kahit papaano man lang ay malulutas nito kung paano mo dapat tanggapin at tratuhin ang ibinigay na gawain ng Diyos, at kung anong uri ng saloobin at resolusyon ang dapat mayroon ka kapag kinukompleto mo ang gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Masasabi mo ring kasabay na malulutas nito ang ilang hindi normal na relasyon sa pagitan ng mga tao at ng Diyos. Tinitingnan ng ilang tao ang pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang kapital, tinitingnan ng ilan ang pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang kanilang mga sariling personal na gawain, at tinitingnan ng ilan ang pagganap sa kanilang mga tungkulin bilang kanilang sariling trabaho at mga proyekto, o tinitingnan nila ang isang tungkulin bilang isang uri ng pampalipas oras, aliwan, o libangan para palipasin ang oras. Sa madaling salita, anumang uri ng saloobin mayroon ka sa iyong tungkulin, kung hindi mo ito tinatanggap mula sa Diyos, at kung hindi mo ito itinuturing na isang gawaing dapat isagawa ng isang nilikhang kabilang sa gawain ng pamamahala ng Diyos o isang gawain kung saan dapat siyang makipagtulungan, hindi pagganap ng tungkulin ang iyong ginagawa. Tama bang ituring mo ang iyong tungkulin bilang negosyo ng iyong pamilya? Tama bang ituring mo ito bilang bahagi ng sarili mong trabaho o libangan? Tama bang ituring mo ito bilang isang personal na bagay? Wala sa mga ito ang tama. Bakit kailangang banggitin ang mga paksang ito? Anong problema ang malulutas sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa mga paksang ito? Malulutas nito ang problema ng pagkakaroon ng mga tao ng mga maling saloobin sa kanilang tungkulin, at ang maraming paraan na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin nang pabasta-basta. Tanging sa pag-unawa sa aspekto ng katotohanang patungkol sa pagganap sa tungkulin ng isang tao mababago ang saloobin ng mga tao sa kanilang tungkulin. Ang kanilang saloobin ay unti-unting tutugma sa katotohanan, at makatutugon sa mga hinihingi ng Diyos at aayon sa Kanyang mga layunin. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang aspekto ng katotohanan patungkol sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, magkakaroon ng mga problema sa kanilang saloobin sa kanilang tungkulin at sa mga prinsipyo sa likod ng kanilang tungkulin, at hindi nila magagawang makamit ang resulta ng pagganap sa tungkulin. Ang mga tungkulin ay mga atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa mga tao; ang mga ito ay mga misyong dapat tapusin ng mga tao. Gayunman, ang tungkulin ay tiyak na hindi mo personal na pamamahala, ni isang kasangkapan para ikaw ay mamukod-tangi. Ginagamit ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin bilang mga oportunidad ng sariling pamamahala at bumubuo ng mga pangkat; ang ilan upang tugunan ang kanilang mga pagnanais; ang ilan upang punan ang mga kahungkagang nadarama nila sa kanilang kaloob-looban; at ang ilan upang masapatan ang kanilang mentalidad na tamang magtiwala sa suwerte, iniisip na hangga’t ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin, magkakaroon sila ng bahagi sa sambahayan ng Diyos at sa kamangha-manghang hantungang isinasaayos ng Diyos para sa tao. Ang ganoong mga pag-uugali tungkol sa tungkulin ay hindi tama; kinasusuklaman ito ang Diyos at dapat kaagad iwasto.

Tungkol naman sa kung ano ang tungkulin, kung paano dapat ituring ng mga tao ang kanilang tungkulin, at ang mga saloobin at pananaw na dapat mayroon sila sa tungkulin, ang mga bagay na ito ay malawak nang napagbahaginan. Dapat pag-isipan ninyong lahat nang mabuti ang mga ito; ang maunawaan ang mga katotohanan sa mga aspektong ito ay napakahalaga at nangangailangan ng agarang pansin. Ano ang katotohanang pinakakailangan ninyong malaman ngayon mismo? Sa isang banda, dapat mong maunawaan ang mga katotohanang may kaugnayan sa mga pangitain sa aspektong ito; sa kabilang banda, kailangan mong maunawaan kung saan ka may mga buktot na pagkaarok tungkol sa mga katotohanang ito sa pagsasagawa at sa tunay na buhay. Kapag nakatatagpo ka ng mga isyu na may kinalaman sa mga katotohanan ng pagtupad sa tungkulin, kung kayang lutasin ng mga salita at katotohanang ito ang kalagayan ng iyong kalooban, pinatutunayan nitong tunay at lubusan mong naunawaan ang nilalamang pinagbahaginan; kung hindi naman kayang lutasin ng mga ito ang mga paghihirap na kinahaharap mo araw-araw sa mga usapin ng pagganap ng iyong tungkulin, ipinakikita nitong hindi ka nakapasok sa mga katotohanang ito. Pagkatapos ninyong makinig sa mga katotohanang ito, binuod at pinagnilayan ba ninyo ang mga ito? Maaari kayang tuwing nagtatala kayo ay nakauunawa kayo sa panahong iyon, subalit paglipas ng panahon ay nakalilimot kayo, na para bang hindi pa ninyo narinig ang mga iyon? (Oo.) Ito ay dahil kayo mismo ay wala ni katiting na pagpasok; ang mga pundamental ninyong isinasagawa ay walang kinalaman sa mga katotohanang ito at ganap na walang kaugnayan sa katotohanan. Sa katunayan, ang mga katotohanang ito tungkol sa pagganap ng tungkulin ang mga pinakapangunahing katotohanan na dapat maunawaan at mapasok ng isang tao sa proseso ng pananalig sa Diyos. Kung pagkatapos marinig ang mga salita ng katotohanan ay nananatili pa rin kayong lito at gulong-gulo, sadyang napakababa ng inyong kakayahan, at walang-wala kayong tayog. Kaya mo lamang magbasa ng mga salita ng Diyos, magdasal at dumalo sa mga pagtitipon; ginagawa mo ang lahat ng hinihingi sa iyo, tulad lamang ng isang taong may relihiyosong paniniwala. Ibig sabihin nito ay wala kang buhay pagpasok at walang anumang tayog. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkakaroon ng tayog? Nangangahulugan ito na sa proseso ng pananalig mo sa Diyos at pagganap sa iyong tungkulin, sa sandaling linlangin ka ninuman, susunod ka sa kanya at titigil ka sa pananalig sa Diyos; kapag may ginawa kang mali at bahagya kang pinungos ninuman, kinausap sa medyo estriktong paraan, maaaring isuko mo ang iyong pananalig; kapag nakatagpo ka ng mga dagok o iba’t ibang paghihirap sa iyong buhay, maaaring magreklamo ka tungkol sa Diyos, at kapag nakita mong hindi Niya ipinagkakaloob sa iyo ang biyaya o nilulutas ang iyong mga paghihirap, maaaring talikuran mo Siya at lisanin mo ang sambahayan ng Diyos, at tumigil ka sa pananalig. Kung nakapasok ka sa ilang aspekto ng katotohanan ng pagganap ng tungkulin—itong pinakapundamental sa mga katotohanan—pinatutunayan nitong konektado ka na sa katotohanan; konektado ka na sa katotohanang realidad, at nakagawa ka na ng kaunting pagpasok. Kung wala ka ni katiting, ng anumang katotohanang realidad na ito, pinatutunayan nitong hindi pa nag-uugat sa iyong puso ang katotohanan.

Kababahagi Ko lamang tungkol sa kung ano ang tungkulin, gayundin sa kung ano ang pinagmulan at paggawa ng tungkulin, para ipaunawa sa mga tao kung ano ba talaga ang tungkulin. Ano-ano ang pakinabang na malaman ito? Kapag nauunawaan na ng mga tao ang katotohanan tungkol sa kung ano ang tungkulin, malalaman nila kung ano ang kahalagahan ng tungkulin. Kahit papaano man lang, sa kaibuturan, mararamdaman nilang dapat ay may tamang saloobin sila sa tungkulin at na hindi sila maaaring kumilos nang pabasta-basta. Kahit papaano man lang ay mananatili ang konseptong ito sa kanilang isipan. Bagaman ang tungkulin ay ang dapat mong gampanan, at ang gawain at misyong ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi mo ito personal na usapin, o iyong sariling gawain. Tila ba magkasalungat ito, subalit ito talaga ang katotohanan. Anuman ang katotohanan ay mayroon itong praktikal na bahagi, na may kaugnayan sa pagsasagawa at pagpasok ng mga tao, gayundin sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi ito walang laman. Ganito ang katotohanan; tanging sa pagdanas at pagpasok sa realidad ng katotohanang ito mo mas mauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan. Kapag palagi mong kinukuwestiyon ang katotohanan, kapag palagi kang nagdududa, at palaging nagsusuri at nag-aanalisa, hindi kailanman magiging katotohanan sa iyo ang katotohanan. Hindi ito magkakaroon ng kaugnayan sa iyong tunay na buhay at hindi nito mababago ang anuman sa iyo. Kapag taos-pusong tinatanggap ng isang tao ang katotohanan at ginagamit ito bilang gabay sa kanyang pamumuhay at pagkilos, bilang gabay sa kanyang pag-asal at pananalig sa Diyos, babaguhin ng katotohanan ang kanyang buhay. Babaguhin nito ang kanyang mga layunin sa buhay, ang kanyang direksiyon sa buhay, at ang paraan kung paano siya nakikipag-ugnayan sa mundo. Ito ang epekto ng katotohanan. Ang pag-unawa sa kung ano ba ang tungkulin ay tiyak na magiging isang malaking kapakinabangan at tulong sa mga tao sa pagganap sa kanilang tungkulin. Kahit papaano, malalaman ng isang tao na napakahalaga ng tungkulin para sa lahat ng nananalig sa Diyos, at na mas mahalaga ito para sa mga taong interesado o may partikular na mga pangangailangan o hangarin na mailigtas at maging perpekto. Ito ang pinakapundamental na katotohanan na dapat maunawaan ng lahat para mailigtas, at ito rin ang pinakapundamental na katotohanan na dapat pasukin ng isang tao. Kung hindi mo nauunawaan kung ano ang tungkulin, hindi mo malalaman kung paano tutuparin ang iyong tungkulin nang maayos, o kung ano ang tamang saloobin sa pagtanggap at pagturing sa iyong tungkulin. Mapanganib ito—sa isang banda, hindi mo magagawang tuparin ang iyong tungkulin nang mahusay, at kikilos ka nang walang kaayusan at pabasta-basta; sa kabilang banda, maaari kang gumawa ng mga bagay na makagagambala at makagugulo sa gawain ng iglesia, o makagagawa pa nga ng masasamang gawa na labag sa mga atas administratibo ng Diyos. Sa paglalahad nito sa medyo konserbatibong paraan, maaari kang ibukod para magnilay, at sa mas malalalang kaso, maaari kang itiwalag. Samakatuwid, ang pag-unawa sa kung ano ang tungkulin, bagaman ito ay napakapangunahing aspekto ng katotohanan, ay may kaugnayan sa kaligtasan ng isang tao; mayroon itong kabuluhan—napakahalaga nito. Pagkatapos maunawaan kung ano ang tungkulin, hindi na lamang ito basta tungkol sa pagiging pamilyar sa isang doktrina; ang nilalayong resulta ay ang magawa ng mga taong maunawaan ang mga layunin ng Diyos at maitrato ang kanilang tungkulin nang may tamang saloobin. Sa pagtupad ng anumang tungkulin, walang resultang makakamit sa pagsisikap lang; ang palaging pag-iisip na ang tungkulin ay matutupad nang maayos sa pamamagitan lamang ng pagsisikap ay nagpapakita ng kawalan ng espirituwal na pagkaunawa. Sa katunayan, ang pagganap sa tungkulin ay kinapapalooban ng maraming detalye, kabilang na ang pagkakaroon ng tamang pag-iisip, mga prinsipyo ng pagsasagawa at tunay na pagpapasakop, gayundin ang pagkakaroon ng espirituwal na karunungan. Tanging kapag nagtataglay ang isang tao ng mga aspektong ito ng katotohanan matutupad nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin at ganap nilang malulutas ang problema ng pagganap sa tungkulin nang pabasta-basta. Iyong mga walang tamang saloobin sa kanilang mga tungkulin ay mga taong walang katotohanang realidad; sila ay mga taong walang may-takot-sa-Diyos na puso, at walang konsensiya at katwiran. Kaya, para makasunod sa Diyos, dapat maunawaan ng isang tao ang kabuluhan ng pagganap sa tungkulin; ito ay napakahalaga sa pagsunod sa Diyos.

Pagkatapos maunawaan kung ano ang tungkulin at ang mga pinagmulan nito, pag-iibahin mo ang kalikasan ng tungkulin at ang kalikasan ng gawain sa lipunan. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagtrato sa gawaing ipinagkatiwala sa iyo ng sambahayan ng Diyos bilang isang tungkulin at pagturing dito bilang isang makamundong gawain? Kapag itinuring mo ito bilang isang tungkulin, kailangan mong hanapin ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan. Sasabihin mong, “Ito ang aking tungkulin, kaya’t paano ko ito gagawin? Ano ang hinihingi ng Diyos? Ano ang mga panuntunan ng iglesia? Kailangang maging malinaw sa akin ang mga prinsipyong nasa likod nito.” Tanging ang pagsasagawa sa paraang ito ang tamang saloobin sa pagtrato sa iyong tungkulin; ito lamang ang saloobin na dapat mayroon ang mga tao sa kanilang tungkulin. Subalit anong uri ng saloobin mayroon dapat ang mga tao kapag hinaharap ang mga makamundong trabaho o bagay-bagay sa kanilang personal na buhay? May pangangailangan bang hanapin ang katotohanan o mga prinsipyo kung ganoon? Maaari mo ring hanapin ang mga prinsipyo, subalit ang mga iyon ay para lamang magkamit ng mas maraming pera, mabuhay nang marangyang buhay, magkamal ng yaman, magkamit ng tagumpay, at magtamo ng kapwa katanyagan at karangyaan—ganitong mga prinsipyo lamang. Ang mga prinsipyong ito ay ganap na makamundo, nabibilang sa mga napapanahong kalakaran; mga prinsipyo ito ni Satanas at ng masamang sangkatauhang ito. Ano-ano ang prinsipyo ng pagganap sa tungkulin? Dapat talagang matugunan ng mga ito ang mga hinihingi ng Diyos; malapit na nauugnay at hindi maihihiwalay ang mga ito sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga propesyon at trabaho na ginagawa ng mga tao sa mundo ay walang kinalaman sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos. Hangga’t ikaw ay may kakayahan, handang magtiis ng paghihirap, at masikap, masama, at sapat na mapangahas, maaari kang mamukod-tangi sa lipunan at magkaroon pa nga ng isang mataas na propesyon. Gayunpaman, ang mga prinsipyo at pilosopiyang ito ay hindi kinakailangan sa sambahayan ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, anumang uri ng tungkulin ang iyong ginagampanan, anuman ang kalikasan ng tungkuling iyon, itinuturing man itong mataas o mababa, maharlika o karaniwan, makapukaw-pansin man ito o hindi, ipinagkatiwala man ito sa iyo ng Diyos o itinalaga ng lider ng iglesia—anumang gawain ang iniatas sa iyo ng sambahayan ng Diyos, ang mga prinsipyong sinusunod mo sa paggawa ng iyong gawain ay hindi dapat humigit sa mga prinsipyo ng katotohanan. Dapat ay konektado ang mga ito sa katotohanan, konektado sa mga hinihingi ng Diyos, at konektado sa mga panuntunan at mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Sa madaling salita, ang tungkulin at ang gawaing ginagawa sa mundo ay dapat na pag-ibahin sa isa’t isa.

Bakit tayo nagbabahaginan tungkol sa pagkakaiba ng pagtupad ng tungkulin at paggawa ng makamundong gawain? Mahalaga ba ito? (Oo.) Bakit ito mahalaga? Ito ay may kaugnayan sa saloobin ng mga tao sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Huwag mong dalhin sa pagtupad ng tungkulin ang mga saloobin at prinsipyo mo sa iyong makamundong gawain. Ano-ano ang kahihinatnan kapag ginawa mo ito? (Ang pagkilos nang naaayon sa iyong sariling mga kagustuhan.) Isang karaniwang isyu ang pagkilos ng isang tao nang naaayon sa sarili niyang kagustuhan; nangangahulugan ito ng pag-ayaw na sumangguni sa iba kapag nagsasagawa ng mga gawain, kagustuhang magkaroon ng huling pasya, at paggawa ng anumang gustuhin ng isang tao, pagkadama na ang pagkilos nang ganito ay magdadala ng kaginhawahan at kasiyahan nang walang anumang pagkaapi o kalungkutan. Dagdag pa rito, madalas itong humahantong sa intriga, inggitan, mga alitan, at pagbuo ng mga pangkat, gayundin sa paghahanap ng mga gantimpala at pagkilala, pagpapakitang gilas, pagkilos nang pabasta-basta, kawalang responsabilidad, panlilinlang sa mga nakatataas at nakabababa sa sarili, at pagbuo ng sariling kaharian. Sa madaling salita, ang pagtupad ng tungkulin ay naiiba sa paggawa ng makamundong gawain; ang pagtupad ng tungkulin ay isang hinihingi ng Diyos at isang pagsasaayos Niya—ito ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng pagtupad ng tungkulin at paggawa ng makamundong gawain. Ang pagtupad ng tungkulin ay dapat isagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos at batay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito isang personal na pamamahala, o personal na usapin, at lalong hindi ito isang pribadong bagay ninuman. Wala itong kaugnayan sa mga personal na interes, pagpapahalaga sa sarili, katayuan, impluwensiya, o mga inaasahang pangyayari sa hinaharap; may kaugnayan lamang ito sa buhay pagpasok ng mga tao at pagbabago ng disposisyon, at may kaugnayan ito sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa kabaligtaran, kapag nagsasagawa ka ng makamundong gawain, ganap kang nakatuon sa personal na pamamahala. Gumaganap ka man ng isang trabaho o nagpapatakbo ng isang negosyo, gaano man kalaki ang ibinabayad mong halaga, gaano man kalaki ang tinatalikuran mo o gaano man katindi ang tinitiis mong paghihirap—mapa-emosyonal o pisikal na aspekto man ang mga ito—o inaapi ka man o pinahihiya o hindi nauunawaan, o kahit humaharap ka pa sa matinding panggigipit ng publiko, ang lahat ng ginagawa mo ay may kinalaman sa iyong personal na kalooban, mga hangarin, ambisyon, at ninanais. Ito lamang ang kalikasan nito. Ang kalikasang ito ay pagsasagawa lamang ng personal na pamamahala at pagpapatakbo ng isang personal na proyekto. Sa sangkatauhan, walang ni isang tao ang nangangahas na magsabing, “Gumagawa ako ng isang pampublikong serbisyo para sa kapakanan ng sangkatauhan; gusto kong kumilos nang naaayon sa mga banal na paniniwala at prinsipyong ibinigay ng Langit.” Walang ganoong tao. Kahit pa may isang taong mangahas na magsabing, “Gusto kong magsakatuparan ng pinakawalang pag-iimbot at pinakadakilang pagsisikap para sa sangkatauhan, na makatulong sa kapwa at gumawa ng mabubuting bagay para sa mga tao,” hindi ganoon kadalisay ang kanilang layunin; ginagawa nila ito alang-alang sa katanyagan. Hindi ba’t pagsagagawa ito ng personal na pamamahala? Ang lahat ng ito ay alang-alang sa personal na pamamahala. Gaano man kaganda pakinggan ang kanilang mga salita, gaano man karaming paghihirap ang kanilang tiniis, gaano man kalaki ang halagang kanilang ibinayad, gaano man kalaki ang kanilang ginawang kontribusyon, o kung binago man nila ang sangkatauhan, binago ang isang panahon, o pinasinayaan ang isang yugto, anuman ang gawin nila, ang kanilang layunin ay hindi para sa iba kundi para sa kanilang sarili. Ang lahat ng tiwaling tao ay ganito gumawa ng mga bagay-bagay. Malaki man o maliit ang gawin ng isang tao, ang kanyang layunin ay para sa katanyagan o pakinabang. Ano ang kalikasan ng kanyang mga pagkilos? Ito ay ang pagsasagawa ng personal na pamamahala. May kahit ano bang kaugnayan ang personal na pamamahala sa pamamahala ng Diyos? Ito ay ganap na walang kaugnayan. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi iyan totoo. May mga taong dumarating sa mundong ito at bumabago ng isang panahon; hindi ba’t itinakda rin iyon ng Diyos? Hindi ba’t may kinalaman din iyon sa Kanyang pamamahala?” May kaugnayan ba ang mga bagay na ito? (Wala.) Bakit mo sinasabing walang kaugnayan? (Dahil wala itong kinalaman sa gawain ng pamamahala ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan.) Mahusay ang pagkakasabi mo; kung wala itong kinalaman sa gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, wala itong kaugnayan sa pamamahala ng Diyos. Gayunpaman, ang pahayag na ito ay kalahating totoo lamang; may isa pang paunang kondisyon dito, isang isyu ng diwa. Kung wala itong kaugnayan sa plano ng pamamahala ng Diyos, lahat ito ay pamamahala lamang ng tao. Iyon ay isang aspekto, subalit hayaan ninyo Akong magdagdag ng isang bagay para sa inyo: Ang kalikasan ng kanilang ginagawa ay para sa personal na katanyagan at kapakinabangan; ang tunay na makikinabang ay ang kanilang sarili. Ang kalikasan, ang mga prinsipyo, at ang pinakahuling kahihinatnan ng lahat ng kanilang ginagawa ay para sa kapakanan nino? (Ng kanilang sarili.) Ito ay para sa kanilang sarili—at palihim na para kanino? (Kay Satanas.) Tama, para ito kay Satanas. Ano ang kalikasan ng paggawa ng mga bagay-bagay para kay Satanas? (Ang pagiging kalaban ng Diyos.) At ano ang natatagong diwa ng pagiging isang kalaban ng Diyos? Bakit natin sinasabing ito ay pagiging isang kalaban ng Diyos? (Ang simula, pinagmulan, at mga prinsipyo ng kanilang mga pagkilos ay lahat laban sa mga salita ng Diyos.) Ito ay isang aspekto, at ito ay isang pundamental na isyu. Ang simula, pinagmulan, at mga prinsipyo ng kanilang mga ginagawa ay lahat para kay Satanas at mga buktot, kaya ano ang pinakaresulta? Kanino sila nagpapatotoo? (Kay Satanas.) Tama, nagpapatotoo sila kay Satanas. Sa buong kasaysayan ng tao, may sinumang historyador o manunulat ba ang nagsabing ang mga nakamit ng mga tao sa bawat panahon ay dahil sa Lumikha? (Wala.) Sasabihin lamang nila na ang mga ito ay mga pamana o malalaking tagumpay mula sa mga kahanga-hangang ginawa ng sangkatauhan. Sa mga mata ng sangkatauhan, sino ang kinakatawan ng mga dakila at tanyag na taong ito na nag-iwan ng mga bagay na ito? Ang sinumang tanyag o dakilang tao, o iyong mga nakagawa ng malaking kontribusyon sa sangkatauhan, ay lahat sinasamba ng mga tiwaling tao. Ang puwang na kinalalagyan nila sa puso ng mga tao ay ang puwang na itinuturing ng mga tao bilang posisyon ng Diyos. Hindi ba’t ito ang diwa ng isyu? (Oo.) Katatalakay lamang natin na ang mga pinagmulan, motibo, simula, at mga prinsipyo sa likod ng mga pagkilos ng mga tao ay lahat nakaugat sa satanikong lohika at hindi umaayon sa katotohanan. Naisasakatuparan ng mga tao ang isang bagay sa pamamagitan ng mga kaparaanan ng tao o sa pamamagitan ng kanilang mga kaloob at nagiging tanyag sila sa iba, at ang pinakakinahihinatnan nito ay iniisip ng sangkatauhan na ang lahat ng mga ito ay dahil kay Satanas; katulad lamang din kung paano sinasamba ng maraming tao ngayon ang mga tanyag at dakilang tao mula sa kasaysayan tulad nina Confucius at Guan Yu. Kahit gaano kadakila ang mga ginawa ng mga taong ito, sa simula’t simula, ang Diyos ang tunay na nagsaayos na dumating sa mundong ito ang mga taong ito at gumanap ng mga partikular na gawa sa iba’t ibang panahon. Gayunpaman, sa buong naitalang kasaysayan ng tao, sinauna man o makabago, wala ni isang pagkakataon na nagpapatotoo sa mga gawa ng Lumikha. Tanging ang Bibliya lang ang nagtala ng ilang elemento ng dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya, subalit maging ang mga salita ng Diyos na naitala roon ay napakalimitado. Sa katunayan, nagwika ng maraming salita ang Diyos at gumanap ng maraming gawa, subalit lubhang limitado ang naitala ng mga tao. Sa kabaligtaran, may hindi mabilang na mga libro ang nagtatala, nagpapatotoo, at pumupuri sa mga tanyag at dakilang tao. Hindi ba’t nililinaw nito ang diwa ng isyung katatalakay lang natin? Kababanggit lamang natin na ang mga tanyag at dakilang tao sa kasaysayan ay kumilos para sa kanilang sarili; kumilos, sa diwa, para kay Satanas. Ipinakikita nito na hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, bagkus ay nagsasagawa sila ng sarili nilang pamamahala o nagsasagawa ng sarili nilang mga proyekto. Ano ang kalikasan, ang diwa, ng anumang gawain na isinasagawa ng mga tao sa mundo? (Ang pagsasagawa ng personal na pamamahala.) Bakit ito itinuturing na pagsasagawa ng personal na pamamahala? Ano ang pinag-ugatan nito? Dahil kay Satanas sila nagpapatotoo; ang mga prinsipyo at motibasyon nila sa pagkilos ay nagmumula lahat kay Satanas, at walang kinalaman sa katotohanan o sa mga hinihingi ng Diyos. Subalit ano ang kalikasan ng tungkulin? Tumutukoy ito sa gawaing isinasagawa nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos, na ang ibig sabihin, ang gawain ay dapat na nakabatay sa katotohanan, isinasagawa nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at isinasagawa nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. Ang resulta ay na makapagpapatotoo sa Diyos ang mga tao, at magkakaroon sila ng pagpapasakop sa Diyos, at magkakaroon sila ng kaalaman sa Kanya; may mas malalim silang pagkaunawa at mas tunay na pagpapasakop sa Lumikha, at lalo pa nilang magagawa ang mga dapat gawin ng mga nilikha. Ito ang pinakamalaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Kapag isinasagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang naaayon sa mga hinihingi ng Diyos, lalong nagiging normal ang kanilang relasyon sa Diyos. At maaari bang magkaroon ng ganitong epekto ang anumang gawaing ginagawa ng tao sa mundo? Hinding-hindi, ang resulta ay ang mismong kabaligtaran. Habang mas maraming taon ang iginugugol ng isang tao sa paggawa ng makamundong gawain, mas lalo siyang naghihimagsik sa Diyos at mas lalo siyang napapalayo sa Diyos. Habang mas mahusay ang personal na pamamahala ng isang tao, mas napapalayo siya sa Diyos; habang mas matagumpay ang personal na pamamahala ng isang tao, mas napapalayo siya sa mga hinihingi ng Diyos. Samakatuwid, ang pagtupad ng tungkulin at pagsasagawa ng makamundong gawain ay may dalawang ganap na magkaibang kalikasan.

Ngayon-ngayon lang ay tinalakay ang pagkakaiba ng tungkulin ng isang tao at ng paggawa ng isang tao ng makamundong gawain. Anong aspekto ng katotohanan ang nilalayon ng talakayang ito na matulungan ang mga tao na maunawaan? Anuman ang matanggap mong tungkulin, dapat mo itong gampanan ayon sa hinihingi ng Diyos. Halimbawa, kapag pinili ka bilang lider ng isang iglesia, tungkulin mong gampanan ang gawain ng isang lider ng iglesia. At ano ang dapat mong gawin matapos mong tanggapin ang gawaing ito bilang iyong tungkulin? Una, dapat mong malaman na ang pagtupad lamang sa iyong gawain bilang isang lider ang pagganap ng iyong tungkulin. Hindi ka naglilingkod bilang isang opisyal sa panlabas na mundo; kung naging isang lider ka at tapos ay itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang opisyal, nalihis ka na ng landas. Subalit kung sasabihin mong, “Ngayon na naging isang lider ako ng iglesia, hindi ako dapat maging mapagmataas, dapat kong ipagpakumbaba ang aking sarili sa iba, dapat ko silang gawing mas mataas at mas mahalaga kaysa sa akin,” mali rin ang mentalidad na ito; walang saysay ang anumang pagkukunwari kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Walang anuman kundi ang tamang pagkaunawa sa iyong tungkulin ang nararapat. Una na riyan, dapat mong pahalagahan ang kabuluhan ng gawain ng isang lider ng iglesia: Maaaring magkaroon ng dose-dosenang miyembro ang isang iglesia, at dapat mong isipin kung paano aakayin ang mga taong ito sa harap ng Diyos, kung paano bibigyang-daan ang karamihan sa kanila na maunawaan ang katotohanan at makapasok sa katotohanang realidad. Dapat ka ring gumugol ng mas maraming oras para diligan at suportahan iyong mga negatibo at mahihina, para mapigilan silang maging negatibo at mahina at mabigyang-kakayahan silang gampanan ang kanilang tungkulin. Dapat mo ring gabayan ang lahat ng may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad, pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo, at pagtupad nang maayos sa kanilang tungkulin at nang sa gayon ay magkaroon ng mas mabuting epekto. May mga partikular na taong maraming taon nang nananalig sa Diyos subalit may medyo masamang pagkatao, na laging ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia—ang mga tao na ito ay dapat pungusin ayon sa kinakailangan; iyong matitigas ang ulong tumatangging magsisi ay dapat paalisin. Dapat silang harapin ayon sa prinsipyo at isaayos nang tama. Nariyan din ang pinaka-importanteng bagay sa lahat: May ilan sa iglesia na nagtataglay ng medyo mabuting pagkatao at kaunting kakayahan, at na may kakayahang magsagawa ng isang partikular na aspekto ng gawain; ang lahat ng gayong mga tao ay dapat linangin nang walang pagkaantala, sa lalong madaling panahon; kinakailangan ng pagsasanay para maging mahusay sila, at wala silang anumang makakayang gawin nang mabuti kung hindi sila kailanman makatatanggap ng anumang pagsasanay. Hindi ba’t ang mga ito ang mga trabahong dapat gawin agad nang maayos ng isang lider o manggagawa? Kung naging isang lider ka at hindi mo isinasaisip ang mga bagay-bagay na ito, at hindi mo isinasagawa ang iyong gawain sa ganitong paraan, maisasakatuparan mo ba nang maayos ang iyong tungkulin? (Hindi.) Bilang isang lider, mahalagang ayusin ang bawat aspekto ng gawain ng iglesia: Una, ang pinakamahalagang bagay ay ang linangin ang mga tao na may talento. Iangat iyong mga may mabuting pagkatao at nagtataglay ng kakayahan, at linangin at sanayin sila. Ikalawa, akayin ang mga kapatid upang makapasok sa katotohanang realidad, at bigyang-kakayahan silang pagnilayan ang kanilang sarili, kilalanin ang kanilang sarili, tukuyin ang mga maling pananampalataya at maling paniniwala, kilatisin ang mga tao, at isakatuparan nang maayos ang kanilang mga tungkulin—bahagi ito ng buhay pagpasok. Ikatlo, bigyang-kakayahan ang karamihan sa mga kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin na talagang magawa ito (maliban sa mga may mababang pagkatao), at tiyaking magkakamit sila ng mga resulta sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa halip na kumilos lang nang pabasta-basta. Ikaapat, agad na asikasuhin iyong mga gumagambala at gumugulo sa gawain ng iglesia. Kung tatanggihan nila ang katotohanan sa pagbabahaginan, dapat silang pungusan. At kung patuloy silang hindi nagsisisi, dapat silang ihiwalay para sa pagninilay, at paalisin o itiwalag pa nga. Ikalima, bigyang-kakayahan ang mga taong hinirang ng Diyos na makilala ang mga hindi mananampalataya, huwad na lider, at anticristo, para matiyak na hindi sila malilihis at na makapapasok sila sa tamang landas ng pananalig sa Diyos sa lalong madaling panahon. Ang lahat ng limang punto sa itaas ay mahalaga at mga likas na gawain sa pamumuno. Ang pagtupad sa limang aspektong ito ng gawain ang nagpapakita na ang isang tao ay isang kuwalipikadong lider ng iglesia. Bukod pa rito, dapat ding asikasuhin nang maayos ang mga espesyal na sitwasyon. Halimbawa, maaaring panandalian lang ang pagiging negatibo at mahina ng ilang tao, at dapat mo silang tratuhin nang naaakma. Hindi ka dapat gumawa ng malawakang panghuhusga; kung ang isang tao ay pansamantalang negatibo at tinagurian mo siyang “sobrang negatibo” o “palaging negatibo” at sinabi mong hindi na siya gusto ng Diyos, hindi iyon naaakma. Dagdag pa riyan, ang lahat ay dapat isakatuparan ang kani-kanilang papel at mag-ambag ayon sa kanilang mga kakayahan. Ang mga pagsasaayos para sa pagganap ng tungkulin ay dapat iakma sa kani-kanilang mga kaloob, talento, kakayahan, edad, at kung gaano katagal na silang nananalig sa Diyos. Dapat na iayon ang pamamaraang ito sa iba’t ibang uri ng mga tao, upang mapahintulutan silang magampanan ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos at makapagsilbi nang husto. Kung palagi mong isasaalang-alang ang mga ito, magkakaroon ka ng isang pasanin, at palagi ka dapat na nakatuon sa pagmamasid. Pagmamasid ng ano? Hindi ng kung sino ang maganda para lalo mo silang makahalubilo; hindi ng kung sino sa tingin mo ang pangit para maisantabi mo sila; hindi ng kung sino ang tila may kakayahan at katayuan para makapagpalakas ka sa kanila; at lalong hindi ng kung sino ang hindi yumuyukod sa iyo para masubukan mo silang parusahan. Hindi ang anuman sa mga bagay na ito. Kung gayon, ano ang dapat mong pagmasdan? Dapat mong kilalanin ang mga tao batay sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga saloobin at hinihingi sa iba’t ibang uri ng mga tao, at tratuhin mo sila batay sa mga prinsipyo; naaayon ito sa katotohanan. Una, ikategorya mo ang lahat ng uri ng mga tao sa iglesia: iyong mga may mabuting kakayahan at kakayahang tumanggap ng katotohanan bilang isang kategorya, iyong mga may mababang kakayahan at walang kakayahang tumanggap ng katotohanan bilang isa pa, iyong mga may kakayahang gampanan ang kanilang mga tungkulin bilang isa pa, at iyong mga walang kakayahan bilang isa pa. Sa huli, dapat ding isama sa kategoryang iyon ang mga hindi mananampalataya na laging dumaraing, nagkakalat ng mga kuru-kuro, nasasadlak sa pagkanegatibo, at nagdudulot ng mga kaguluhan. Matapos mong ikategorya ang lahat, at lubos na maunawaan ang tunay na kalagayan ng bawat grupo ayon sa mga salita ng Diyos, malinaw na makita kung sino ang maaaring mailigtas at kung sino ang hindi, makikilala mo na ang iba’t ibang uri ng mga tao; mauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, at malalaman mo kung sino ang gustong iligtas ng Diyos at kung sino ang gusto Niyang itiwalag. Hindi ba’t nagmumula ang lahat ng ito sa iyong pasanin? Hindi ba’t ito ang tamang saloobin na dapat taglayin sa tungkulin? Kung nagtataglay ka ng tamang saloobing ito at nagkakaroon ka ng isang pasanin, magagawa mo nang maayos ang iyong gawain. Kung hindi mo tinatrato nang ganito ang iyong mga tungkulin at sa halip ay tinitingnan mo ang pagganap ng iyong mga tungkulin na tila ba nasa isang opisyal kang posisyon, laging iniisip na, “Ang pagiging lider ay parang pagkakaroon ng isang posisyon; pagpapala ito mula sa Diyos! Ngayong mayroon na akong katayuan, dapat na akong pakinggan ng mga tao, at iyon ay isang mabuting bagay!”—kung sa tingin mo ang pagiging isang lider ay katulad ng pagiging isang opisyal, nanganganib ka. Tiyak na mamumuno ka sa paraan ng isang opisyal at batay sa kung paano sila mamalakad; kung magkagayon, magagampanan mo ba nang maayos ang gawain ng iglesia? Sa ganoong pananaw, walang dudang ikaw ay mabubunyag at matitiwalag. Palagi mong makikita ang iyong sarili bilang isang opisyal, kung saan napalilibutan ka ng mga tao saan ka man pumunta, at susundin ng mga tao anuman ang iyong sabihin. Gayundin, ikaw ang unang makakukuha ng anumang benepisyo sa iglesia. Anumang gawain mayroon ang iglesia, kailangan mo lang na mag-utos at hindi mo mismo kailangang gumawa ng kahit ano. Anong uri ng pag-iisip ito? Hindi ba’t ito ay pagpapakasasa sa mga benepisyo ng katayuan? Hindi ba’t ito ay isang tiwaling disposisyon? Ang lahat ng hindi naghahangad sa katotohanan ay gumaganap ng kanilang mga tungkulin batay sa isang satanikong disposisyon. Maraming lider at manggagawa ang naibunyag at naitiwalag na dahil lagi nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin batay sa isang satanikong disposisyon, nang hindi tumatanggap ni bahid ng katotohanan. Sa kasalukuyan, ganito pa rin umasal ang ilang lider. Matapos maging isang lider, nakararamdam sila ng tila kaligayahan, at kaunting pagkakontento sa sarili. Mahirap ipaliwanag ang pakiramdam na iyon, subalit anuman ang kaso, sa tingin nila ay nakagawa sila ng napakabuti. Gayunpaman, pagkatapos ay iniisip nilang, “Hindi ako dapat maging hambog. Ang pagiging hambog ay tanda ng kayabangan, at ang kayabangan ay pasimula ng kabiguan. Hindi dapat ako magpasikat.” Sa panlabas, hindi sila pasikat kung kumilos at sinasabi nila sa lahat na ito ay isang pagtataas at atas mula sa Diyos, na wala silang ibang pagpipilian kundi ang gawin ito. Subalit sa loob, palihim silang nagdiriwang: “Sa wakas, napili ako. Sino ang nagsabing hindi mabuti ang aking kakayahan? Kung mababa ang aking kakayahan, paanong ako ang pinili? Bakit hindi iba ang pinili? Mukha ngang may mga kalamangan ako kaysa sa iba.” Kapag itinalaga sa kanila ang tungkuling ito, ang mga bagay na ito ang kanilang unang naiisip sa kanilang puso. Hindi nila iniisip na, “Ngayong itinalaga sa akin ang tungkuling ito, paano ko ito dapat gampanan? Sino ang gumawa ng mabuting trabaho noon na dapat kong kapulutan ng matututuhan? Ano ang mga hinihingi ng Diyos sa pagganap nitong tungkulin? May mga gayong hinihingi ba sa mga pagsasaayos ng gawain ng iglesia? Hindi ako kailanman nag-alala noon tungkol sa mga aspektong ito ng gawain ng iglesia, subalit ngayong napili ako bilang isang lider, ano ba ang dapat kong gawin?” Sa totoo lang, hangga’t mayroon kang determinasyon at kaya mong hanapin ang katotohanan, may landas. Kung tinatrato mo ang gawain bilang iyong tungkulin, magiging madali para sa iyo na gawin ito nang maayos. May ilang tao na nagiging lider at nagsasabing, “Ipinagkakatiwala na ba ngayon sa akin ang mga tao na ito? Kung paano sila magtitipon at kung anong gawain ang isasaayos para sa kanila ay nakasalalay ba sa akin? Naku, ramdam ko ang bigat sa puso ko ngayon.” Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito? Ito ay na tila ba makapagkakamit sila ng mga dakilang bagay; ang lahat ng ito ay walang kabuluhan at mga doktrina lamang. Hindi ba’t medyo mapagkunwari ang ganitong uri ng tao? Mayroon ba sa inyo kahit kailan ang nakapagsabi ng ganoong bagay? (Mayroon.) Kung gayon ay medyo mapagkunwari din kayong lahat. Gayunpaman, ang gayong pag-uugali ay normal para sa mga tao. Kahit iyong mga nagiging mababang opisyal ay medyo kailangang magpakitang-gilas. Bigla nilang nadarama na tumaas ang personal nilang halaga at, sa sandaling makatikim sila ng kaunting katayuan at katanyagan at pakinabang, nagpapanibago ang kanilang puso tulad ng isang bumubugsong dagat, at sila ay tila nagiging ibang tao. Lumilitaw ang lahat ng kanilang mga tiwaling disposisyon at labis-labis na pagnanais. Ang lahat ay may mga ganitong negatibo at pasibong pag-uugali. Karaniwan ito sa tiwaling sangkatauhan. Ang sinumang tiwaling tao ay mayroon nito. May ilang tao, matapos maging lider, na hindi na sigurado kung paano sila maglalakad; may ilang hindi na sigurado kung paano sila makikipag-usap sa mga tao. Siyempre pa, hindi dahil sa pagkamahiyain kung kaya’t hindi nila sigurado kung paano sila dapat magsalita, kundi dahil hindi sila sigurado kung paano ba dapat umasal ang isang lider. Ang iba, matapos maging lider, ay hindi na sigurado kung ano ang kakainin o susuotin. May iba’t ibang uri ng pag-uugali. Mayroon ba sa inyo na nagpapakita ng mga pag-uugaling ito? Tiyak na ginagawa ninyong lahat ito sa magkakaibang antas. Kung gayon ay gaano katagal bago ninyo malalampasan ang mga kalagayan at pag-uugaling ito? Isa o dalawang taon, tatlo o limang taon, o sampung taon? Depende iyon sa determinasyon ng isang tao na hangarin ang katotohanan at sa antas ng kanyang paghahangad sa katotohanan.

Sa proseso ng paghahangad sa katotohanan, ang pagkaunawa ng ilang tao sa katotohanan ay direktang proporsyonal sa kanilang pagpasok; magkatumbas ang dalawa. Kaya nilang pumasok sa gaano man karaming katotohanan na kanilang nauunawaan; ang lalim ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan ay siya ring lalim ng kanilang pagpasok, gayundin ang lalim ng kanilang pagkaarok, mga damdamin, at mga karanasan. Gayunpaman, may ilang tao na nakauunawa ng maraming doktrina, subalit walang halaga ang kanilang pagsasagawa at pagpasok. Samakatuwid, gaano man karaming sermon ang kanilang napakinggan, hindi nila kailanman nalulutas ang kanilang mga panloob na paghihirap. Kapag nahaharap sa isang maliit na bagay, agad na lumalabas ang kanilang pangit na bahagi, at hindi nila ito nakokontrol gaano man nila subukan; gaano man nila ito ibalatkayo, nabubunyag pa rin ang kanilang katiwalian. Nananatili silang walang kakayahang tanggapin ang katotohanan o hanapin ang katotohanan para sa mga kalutasan. Natututo pa nga silang magpanggap, manlinlang, at magkunwaring mabuti. Simula’t sapul, ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay hindi iwinaksi at hindi nagbabago; ito ang kinalalabasan ng hindi paghahangad sa katotohanan. Kaya, sa huli’t huli, ang lahat ay nagbabalik sa parehong parirala: Napakahalaga ng paghahangad sa katotohanan. Gayundin ang pagganap sa mga tungkulin ng isang tao. Anumang tungkulin ang iyong natanggap, anuman ang tungkuling itinalaga sa iyo, maging ito man ay isang tungkulin na may kaakibat na malaking responsabilidad o isang mas simpleng tungkulin, o kahit pa hindi ito masyadong prominente, kung kaya mong hanapin ang katotohanan at tratuhin ang tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magagawa mong maayos na tuparin ang iyong tungkulin. Bukod pa rito, sa proseso ng pagtupad ng iyong mga tungkulin, makararanas ka ng iba’t ibang antas ng paglago kapwa sa iyong buhay pagpasok at pagbabagong disposisyonal. Gayunpaman, kung hindi mo hahangarin ang katotohanan at tatratuhin mo lang ang iyong tungkulin bilang iyong sariling pamamahala, iyong sariling gawain, o iyong sariling kagustuhan o personal na gawain, may problema ka. Ang pagtrato sa iyong tungkulin bilang iyong sariling gawain at ang pagtrato rito nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ay magkaiba. Kapag tinatrato mo ang iyong tungkulin bilang iyong sariling pamamahala, ano ang iyong hinahangad? Hinahangad mo ang katanyagan, kapakinabangan, at katayuan, inaasahang tutugunan ng iba ang iyong mga hinihingi. Ano ang kahihinatnan ng pagganap mo ng iyong tungkulin sa ganitong paraan? Sa isang banda, ang pagganap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi makatutugon sa pamantayan; katumbas ito ng walang saysay na pagsisikap. Kahit pa mukhang matindi kang nagsikap, hindi mo hinanap ang katotohanan, kaya’t ang mga bunga ng iyong tungkulin ay hindi magiging maganda, at hindi malulugod ang Diyos. Sa kabilang banda, madalas kang makagagawa ng mga pagsalangsang, madalas na makagagambala at makagugulo, at madalas na makagagawa ng mga pagkakamaling nagbubunga ng masasama. Ngayon ay maraming tao ang nagkukulang nang malaki sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Kumikilos sila nang ayon sa kanilang kagustuhan at nang pabasta-basta, na wala halos nakakamit na mga resulta, at kung minsan ay nagdudulot pa nga ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Ang ganoong pagganap sa iyong tungkulin ay tunay na nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia; ito ang pag-uugali ng isang masamang tao. Iyong mga palaging gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa pabasta-bastang paraan ay dapat na mailantad, para makapagnilay sila sa kanilang sarili. Kung kaya nilang tunay na magnilay, makilala ang kanilang mga pagkakamali, at kapootan ang kanilang sarili, maaari silang manatili at patuloy na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Subalit kung hindi nila kailanman aaminin ang kanilang mga pagkakamali at ipagtatanggol at bibigyang-katwiran pa rin nila ang kanilang sarili, sasabihin na walang pagmamahal sa sambahayan ng Diyos at na hindi sila tinatrato nang patas, tanda ito ng pagiging matigas na hindi nagsisisi, at dapat silang paalisin mula sa iglesia. Ano ang ugat ng mga panggagambala at panggugulo ng mga taong ito? Ito ba ay dahil intensiyonal nilang pinaplano na manggambala at manggulo? Hindi, ang pangunahing dahilan ay na wala talaga silang pagmamahal para sa katotohanan, at ang kanilang pagkatao ay napakasama. Ang ilan sa mga taong ito ay may kaunting kakayahan at nakauunawa sa katotohanan, subalit hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan, lalo nang hindi nila ito isinasagawa. Ang kanilang pagkatao ay lubhang napakasama. Anumang tungkulin ang kanilang ginagampanan, lagi silang nagdudulot ng pagkagambala at panggugulo, sinisira ang gawain ng iglesia, at nagdadala ng maraming masamang kahihinatnan na may kakila-kilabot na impluwensya. Walang dudang hindi mananampalataya ang mga taong ito, at na silang lahat ay masasamang tao. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit sila itinitiwalag. Ngayon, kayang makilala ng karamihan ang mga hindi mananampalataya. Kapag nakikita nila ang iba’t ibang pag-uugali ng mga taong ito, nagagalit sila. Paano maituturing ang mga taong ito na mga mananampalataya ng Diyos? Mga tagasunod sila ni Satanas, na ipinadala upang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia. Ang ilan ay mga pawang pabigat, nabibilang doon sa mga taong mahilig sa kaginhawahan at ayaw sa trabaho; ayaw nilang gumawa ng anumang gawain subalit gusto pa rin nilang kumain nang maayos araw-araw. Hindi ba’t mga parasitiko sila? Mas mabababa pa sila kaysa sa mga bantay na aso. Kaya itiniwalag ang mga taong ito. Ang mga taong tunay na nananalig sa Diyos ay lahat mga taong handa at sabik na gampanan ang kanilang tungkulin. Bagaman hindi alam ng karamihan kung ano ba talaga ang kahulugan ng tungkulin, kahit papaano ay alam nila sa kanilang puso na dapat gampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin, at handa silang gawin ito. Subalit ang pagiging handa ba ng isang tao na gampanan ang kanyang tungkulin ay nangangahulugang siya ay nagsasagawa ng katotohanan? Ang kahandaan bang ito ng kalooban ay nangangahulugang natupad nang maayos ng isang tao ang kanyang mga tungkulin? Talagang hindi. Dapat isagawa ng isang tao ang katotohanan at tugunan ang pamantayan ng pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo para maituring na naisakatuparan niya nang maayos ang kanyang mga tungkulin. Bago mo maisasagawa ang katotohanan, gaano kalaki man ang pananampalataya na sinasabi mong mayroon ka, o gaano mo man sinasabing sabik at handa ka—kayang isugal ang iyong buhay, walang pag-aatubiling harapin ang anumang hamon—ang lahat ng ito ay pawang mga islogan lang na walang kabuluhan. Dapat ka ring kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, batay sa kahandaang ito. Sinasabi mong, “Hindi ko naman gaanong minamahal ang katotohanan, at hindi ko rin ito hinahangad, at hindi pa nagbago nang malaki ang aking disposisyon habang ginagampanan ko ang aking mga tungkulin. Subalit may isang bagay na pinanghahawakan ko: Ginagawa ko ang anumang sabihin sa akin na gawin ko. Hindi ako nanggagambala o nanggugulo; maaaring hindi ko magawang magpasakop, subalit nakikinig ako.” Hindi ba’t ang isang tao na nakagagawa nito ay nakapananatili sa iglesia at nakagaganap ng kanyang mga tungkulin nang normal? Subalit iyong masasamang tao at mga hindi mananampalataya na pinaalis ay hindi man lang natugunan ang pinakamababang hinihinging ito, at nagdulot pa nga sila ng mga panggugulo. Ang gayong mga hindi mananampalataya o masasamang tao ay hindi dapat pahintulutang manatili sa iglesia para gampanan ang kanilang mga tungkulin. Dapat makilala ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga hindi mananampalataya at ang masasamang tao; kung hindi, madali silang malilihis ng mga ito. Ang sinumang taong may konsensiya at katwiran ay dapat magkaroon ng saloobin ng pagtanggi sa mga hindi mananampalataya at masasamang tao.

Ang pagganap ng isang tao ng kanyang mga tungkulin ang pinakamahalagang aspekto ng pananalig sa Diyos. Una, dapat maunawaan ng isang tao kung ano ba ang tungkulin, at pagkatapos ay unti-unti siyang magkamit ng tunay na karanasan at pagkaunawa rito. Ano man lang ang dapat na maging saloobin ng isang tao sa kanyang tungkulin? Kung sinasabi mong, “Ibinigay ng sambahayan ng Diyos ang tungkuling ito sa akin, kaya’t sa akin ito. Puwede kong gawin kung ano ang gusto ko, dahil gawain ko ito at walang dapat na makialam,” katanggap-tanggap na saloobin ba ito? Talagang hindi. Kung ito ang iyong saloobin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, nasa alanganin ka, dahil ang iyong saloobin ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang iyong saloobin ay ang paggawa ng anumang iyong naisin sa halip na hanapin ang katotohanan, lalong hindi ang pagkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso. Kung sobrang matigas ang ulo ng isang tao, magiging medyo pabaya siya sa kanyang naaangkop na gawain habang tinutupad niya ang kanyang tungkulin. Ano ang saloobing dapat taglayin ng isang tao tuwing tinutupad niya ang kanyang tungkulin? Mayroon dapat siyang pagnanais na magpasakop sa at palugurin ang Diyos. Kung hindi niya nakukompleto ang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya, pakiramdam niya ay binigo niya ang Diyos; at kung hindi niya maayos na ginampanan ang kanyang tungkulin, pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat na tawaging tao. Ang pagkakaroon ng gayong uri ng saloobin habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay nangangahulugang tapat ka. Para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, dapat mo munang malaman kung ano ang hinihingi ng Diyos, hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. Kapag natiyak mo nang ang atas na ibinigay sa iyo ng Diyos ay ang iyong tungkulin, dapat kang maghanap sa pamamagitan ng pag-iisip ng, “Paano ko magagampanan nang maayos ang aking tungkulin? Aling mga katotohanang prinsipyo ang aking dapat isagawa? Ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Anong gawain ang dapat kong gawin? Paano ako dapat kumilos para maisakatuparan ko ang aking mga responsabilidad at maging tapat ako?” Kanino ka ba tapat? Sa Diyos. Dapat kang maging tapat sa Diyos at dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad sa mga tao. Dapat mong gampanan ang iyong tungkulin nang ayon sa mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo, at dapat kang maging tapat sa iyong tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng maging tapat sa iyong tungkulin? Halimbawa, kung ang isang tungkulin ay isa o dalawang taon nang ibinigay sa iyo, subalit hanggang ngayon ay walang nangungumusta sa iyo tungkol dito, ano ang dapat mong gawin? Kung walang nangungumusta sa iyo tungkol dito, ibig sabihin ba noon ay na wala na ang tungkulin? Hindi. Huwag mong pansinin kung may nangungumusta ba sa iyo o nagsisiyasat sa ginagawa mo; ipinagkatiwala ang gawaing ito sa iyo, kaya’t responsabilidad mo ito. Dapat mong pag-isipan kung paano dapat gawin ang trabahong ito at kung paano ito magagawa nang maayos, at ganoon mo iyon dapat gawin. Kung lagi kang naghihintay na kumustahin ka ng iba, na pangasiwaan at hikayatin ka nila, ito ba ang saloobin na dapat mong taglayin sa iyong tungkulin? Anong uri ng saloobin ito? Negatibong saloobin ito; hindi ito ang saloobin na dapat mayroon ka sa iyong tungkulin. Kung tataglayin mo ang ganitong saloobin, ang iyong pagganap sa iyong tungkulin ay tiyak na hindi magiging maayos. Para magampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, dapat munang may tama kang saloobin, at ang iyong saloobin ay dapat na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tanging paraan para matiyak na magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin.

Tungkol sa kung ano ang tungkulin, ang saloobin ng isang tao sa tungkulin, gayundin ang pagkakaiba sa pagitan ng pagganap ng tungkulin at paggawa ng anumang uri ng makamundong gawain, ang pagbabahagi natin sa mga paksang ito ay magwawakas dito sa ngayon. Dapat ninyong pag-isipang lahat ang nilalaman ng mga pinagbahaginan. Halimbawa, bakit tinatalakay ang relasyon sa pagitan ng pagganap ng tungkulin ng isang tao at ang pakikibahagi sa personal na pamamahala? Ano ang nilalayong kalalabasan ng pagtalakay ng mga paksang ito? Sa positibong banda, makapagbibigay ito sa mga tao ng tamang landas, tamang direksiyon, at mga tamang prinsipyo sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa negatibong banda, makatutulong din ito sa mga taong makilala kung aling mga pag-uugali ang maituturing na pakikibahagi sa personal na pamamahala. Magkaugnay at magkaiba ang dalawang aspektong ito. Ang pag-unawa sa dalawang bahaging ito ay hindi tungkol sa pag-unawa sa mga salita ng katotohanan; dapat mong maarok kung aling mga kalagayan at pagpapamalas ang kasali. Kapag mayroon ka nang masusing pagkaunawa sa mga kalagayan at pagpapamalas na ito at nakikilatis ang mga ito, sa susunod na maipakita mo ang mga maling kalagayan at pagpapamalas na ito, kung ikaw ay isang tao na naghahangad sa katotohanan, hahanapin mo ang katotohanan para makakita ng daang palabas mula rito. Kung hindi mo nauunawaan ang aspektong ito ng katotohanan, maaari kang makibahagi sa personal na pamamahala, iniisip na ginugugol mo ang iyong sarili para sa Diyos, at naniniwala pa ngang ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ikaw ay napakatapat. Ang ganoong mga kahihinatnan ay lilitaw mula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan. Halimbawa, sa proseso ng pagganap ng iyong tungkulin, kapag ang ilan sa iyong mga kaisipan at pamamaraan, gayundin ang mga layunin at motibo sa likod ng iyong mga pagkilos, ay nabunyag, mapagtatanto mong hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin at nalihis ka na sa mga prinsipyo at saklaw ng pagganap sa tungkulin ng isang tao; nagbago ang kalikasan, at ikaw ay talagang nakikibahagi sa personal na pamamahala. Tanging kapag naunawaan mo ang mga katotohanang ito na matatagpuan mo ang daang palabas mula rito at mawawakasan ang gayong mga pag-iisip, pagkilos, at pagpapamalas. Gayunpaman, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan at nakatutok ka sa iyong personal na pamamahala habang ginagampanan ang iyong tungkulin, hindi mo mamamalayan ang katunayang nalabag mo na ang mga prinsipyo. Tulad ni Pablo, halimbawa; matapos magtrabaho at magsikap sa loob ng maraming taon, nauwi siyang sinisigawan ang Diyos, sinasabing, “Kung hindi Mo ako bibigyan ng korona, hindi Ka Diyos!” Kita mo, kaya pa rin niyang bumigkas ng gayong mga salita. Kung ang mga tao ngayon, matapos maunawaan ang katotohanan, ay sinusunod pa rin ang landas ni Pablo, hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan. Kung ikaw ay isang taong tunay na nananalig sa Diyos, mahalaga para sa iyo ang pag-unawa sa katotohanan. Kung walang pagkaunawa sa katotohanan, tiyak na nabubuhay ka batay sa isang satanikong disposisyon. Sa pinakamabuti, susundin mo lamang ang ilang regulasyon at iiwasang gumawa ng mga malinaw na pagkakamali, iniisip pa ring ikaw ay nagsasagawa ng katotohanan. Sadyang kahabag-habag iyon. Kaya, kung ninanais ng isang tao na maghangad ng katotohanan at nilalayong makapasok sa katotohanang realidad, dapat muna niyang maunawaan ang katotohanan. Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay para walang kamali-maling maintindihan ng mga tao ang ibang tao at mga pangyayari, maging mapagkilatis, magkaroon ng mga prinsipyo sa pagkilos, magkaroon ng landas sa pagsasagawa, at maisakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, makikilatis mo ang lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay-bagay, makapipili ng tamang landas sa pagsasagawa, makapagsasalita at makakikilos ayon sa mga prinsipyo, maiwawaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, at maisasakatuparan ang pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, tiyak na mali ang tatahakin mong landas, at hindi ka magkakaroon ng buhay pagpasok, o magagawa kang mailigtas. Ang ilang tao ay partikular na mahusay sa pagbabalatkayo, lumalabas na parang naghahangad sila ng katotohanan, subalit wala silang mga prinsipyo sa kanilang mga pagkilos at ang ginagawa lamang nila ay ang magdulot ng mga paggambala at panggugulo, lumilikha ng maraming problema para sa gawain ng iglesia; hindi maililigtas ang gayong mga tao. Samakatuwid, ang layunin ng madalas na pakikinig sa mga sermon at madalas na pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay hindi para sa kapakanan ng mababaw na pakikipag-ugnayan o pagpupuno ng puso, o sangkapan ang sarili ng mga doktrina o pagsasanay sa mahusay na pagsasalita; ito ay para sangkapan ang sarili ng katotohanan at kamtin ang pagkaunawa ng katotohanan. Ang katatalakay lang ay hindi talaga partikular na malalim pagdating sa katotohanan ng pagkilala sa Diyos; ito ang pinakapangunahing katotohanan. Ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan ay limitado at iba-iba ng lalim, at nakabatay ito sa kakayahan ng isang tao. Ang ilang tao ay nakaaarok nang mas malalim; ibig sabihin, mayroon silang kakayahang makaarok. Ang iba ay sadyang mababaw ang naaarok. Anuman ang lalim ng pag-arok ng isang tao, ang pinakamahalaga ay ang pagsasagawa ng katotohanan. Gayunpaman, hindi maaaring hatiin ang katotohanan sa malaki o maliit, matayog o mababang uri, at hindi ito maaaring hatiin sa malalim o mababaw. Ibig sabihin, maaaring klasipikahin ang katotohanan sa pinakapangunahin o pinakapayak, subalit hindi ito maaaring hatiin sa mga antas ng lalim; naaarok at nararanasan lang ito ng mga tao sa iba’t ibang lalim. Anumang may kinalaman sa diwa ng katotohanan ay may katulad na lalim at hindi isang bagay na lubos na mararanasan o ganap na tataglayin ng sinuman. Anumang aspekto ng katotohanan ang sangkot, dapat magsimula ang mga tao sa pinakamababaw na antas ng kanilang pag-arok at pagsasagawa, at unti-unting umusad mula sa mababaw tungo sa malalim, naaabot ang tunay na pagkaunawa ng katotohanan at nakapapasok sa realidad. Ang pinakamababaw na bahagi ng katotohanan ay ang maaaring maunawaan nang literal. Kung hindi ito maisasagawa o mapapasok ng mga tao, nauunawaan lamang nila ang ilang salita at doktrina. Hindi sapat ang simpleng pagkaunawa sa mga salita at doktrina para maabot ang diwa ng katotohanan. Palaging itinuturing ng mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ang kakayahang ipaliwanag ang literal na kahulugan bilang pagkaunawa sa katotohanan; kamangmangan lamang ito ng tao. Kung ang iyong pagsasagawa ng katotohanan ay tungkol lamang sa pagsunod sa mga regulasyon at mahigpit na pagpapatupad ng mga ito nang walang anumang prinsipyo, huwag mong isiping ito ay pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa realidad; malayo ka pa rin dito. Kung patuloy kang magsasagawa at magdaranas sa loob ng marami pang taon, at makatutuklas ng higit pang liwanag, na makasasapat para sa iyo na magsagawa at magdanas nang marami pang buwan o taon, at kalaunan, taglay ang higit pang karanasan, makatutuklas ka ng mas bagong liwanag, umuusad nang ganito mula sa mababaw tungo sa malalim, sa hakbang-hakbang na paraan, tunay kang nakapasok sa katotohanang realidad. Tanging ang isang tao na ganap na nakapasok sa katotohanang realidad ang siyang nagkamit ng katotohanan. Kahit pa isang araw ay isinabuhay mo ang realidad ng katotohanan, at masasabing nakamit mo ang katotohanan, ang totoo ay limitado pa rin ang iyong dinanas at nalaman. Hindi mo masasabing ikaw ang katotohanan, o masasabi tulad ni Pablo na “sa akin ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21), sapagkat masyadong malalim ang katotohanan, at ang kayang danasin at unawain ng isang tao sa loob ng maraming dekada ng isang habang buhay ay sobrang limitado. Malinaw na ang pagkaunawa sa katotohanan ay makakamit ng mga tao nang bahagya, subalit ang pagkakamit ng katotohanan ay hindi isang madaling bagay. Kung hindi kaya ng isang tao na unawain o isagawa maging ang mga pinakamababaw na katotohanan, iyon ay isang tao na hindi nagmamahal sa katotohanan at tiyak na walang espirituwal na pang-unawa; ang mga taong napakalayo sa katotohanan ay hindi maaaring mailigtas. Hindi magagampanan nang maayos ng mga tao na hindi kailanman nakauunawa sa katotohanan ang kanilang tungkulin; mga patapon sila, mga hayop na nakadamit-tao. Akala ng ilang tao na nauunawaan nila ang katotohanan dahil lamang nauunawaan nila ang ilang doktrina. Kung talagang nauunawaan nila ang ilang katotohanan, bakit hindi nila magampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Bakit wala silang mga prinsipyo sa kanilang mga pagkilos? Ipinakikita nitong walang silbi ang pagkaunawa sa mga doktrina; ang pagkaunawa sa mas maraming doktrina ay hindi nangangahulugang pagkaunawa sa katotohanan.

Pagkatapos ang pagbabahaginan sa paksa ng tungkulin, dadako naman tayo sa isyu ng sapat na pagtupad ng tungkulin. Kaugnay ng sapat na pagtupad ng tungkulin, ang diin ay nasa salitang “sapat.” Kaya, paano dapat bigyang-kahulugan ang “sapat?” Dito, gayundin, ay may mga katotohanang dapat hanapin. Sapat na ba ang makagawa lang ng kapasa-pasang trabaho? Para sa partikular na mga detalye kung paano unawain at ituring ang salitang “sapat,” dapat mong maunawaan ang maraming katotohanan at higit pang magbahagi sa katotohanan. Sa pagtupad ng iyong tungkulin, dapat mong maunawaan ang katotohanan at ang mga prinsipyo nito; saka mo lang mararating ang sapat na pagtupad ng tungkulin. Bakit dapat tuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin? Sa sandaling nanampalataya sila sa Diyos at tinanggap na ang Kanyang tagubilin, ang mga tao ay may kani-kanilang responsabilidad at obligasyon sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa lugar ng gawain ng Diyos, at, kaya naman, dahil sa pananagutan at obligasyong ito, naging bahagi na sila sa gawain ng Diyos, isa sa mga tatanggap ng gawain ng Diyos, at isa sa mga tatanggap ng Kanyang pagliligtas. Mayroon talagang malaking ugnayan sa pagitan ng pagliligtas sa mga tao at kung paano nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung mahusay ba nilang nagagawa ang mga ito, at kung nagagawa ba nila nang sapat ang mga ito. Yamang naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos at tinanggap ang Kanyang tagubilin, mayroon ka na ngayong tungkulin. Hindi para sa iyo ang sabihin kung paano dapat gampanan ang tungkuling ito; nasa Diyos ito para sabihin; nasa katotohanan ito para sabihin; at idinidikta ito ng mga pamantayan ng katotohanan. Samakatuwid, dapat malaman, maunawaan, at malinawan ang mga tao kung paano sinusukat ng Diyos ang mga tungkulin ng mga tao, batay saan Niya sinusukat ang mga ito—ito ay isang kapaki-pakinabang na bagay na hanapin. Sa gawain ng Diyos, nakatatanggap ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang tungkulin. Ibig sabihin, ang mga tao na may iba’t ibang kaloob, kakayahan, edad, at kondisyon ay nakatatanggap ng iba’t ibang tungkulin sa iba’t ibang panahon. Ano pa mang tungkulin ang iyong natanggap, at ano pa mang oras o kalagayan mo ito natanggap, ang iyong tungkulin ay isa lamang responsabilidad at obligasyon na dapat mong gampanan, hindi mo ito pamamahala, lalong hindi mo rin ito negosyo. Ang pamantayang hinihingi ng Diyos para sa pagtupad mo ng iyong tungkulin ay na ito ay “sapat.” Ano ang ibig sabihin ng “sapat”? Ibig sabihin ay matugunan ang mga hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya. Dapat sabihin ng Diyos na ito ay sapat at dapat matanggap nito ang Kanyang pagsang-ayon. Saka pa lang na ang pagtupad mo ng iyong tungkulin ay magiging sapat. Kung sasabihin ng Diyos na hindi ito sapat, gaano mo man katagal nang isinasakatuparan ang iyong tungkulin, o gaano mang halaga ang binayaran mo, hindi ito sapat. Ano ang magiging resulta? Uuriin itong lahat bilang pagtatrabaho. Iilang trabahor lang na may tapat na puso ang maililigtas. Kung hindi sila tapat sa kanilang pagtatrabaho, wala silang pag-asang maililigtas. Sa madaling salita, mawawasak sila sa isang sakuna. Kung hindi kailanman natutugunan ng isang tao ang pamantayan kapag gumaganap ng kanyang tungkulin, kukunin ang kanyang karapatang gumanap ng tungkulin. Pagkatapos kunin ang karapatang ito, ang ilang tao ay isasantabi. Pagkatapos isantabi, aasikasuhin sila sa ibang paraan. Ang ibig sabihin ba ng “aasikasuhin sa ibang paraan” ay ititiwalag? Hindi naman ganoon. Ang pangunahing tinitingnan ng Diyos ay kung nagsisi ang isang tao. Samakatuwid, kung paano mo ginagampanan ang tungkulin mo ay mahalaga, at dapat tratuhin ito ng mga tao nang seryoso at tapat. Dahil ang pagganap sa iyong tungkulin ay direktang nauugnay sa iyong buhay pagpasok at pagpasok sa mga katotohanang realidad, gayundin sa malalaking isyu tulad ng iyong kaligtasan at pagpeperpekto, dapat mong tratuhin ang pagganap ng iyong tungkulin bilang una at pinakamahalagang gawain habang nananalig sa Diyos. Hindi maaaring naguguluhan ka tungkol dito. Sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, magpapakita ang iba’t ibang tao ng iba’t ibang pag-uugali. Ang iba’t ibang pag-uugaling ito ay nakikita hindi lamang ng mga tao kundi pati na rin ng Diyos. Hindi lang ang iglesia ang nagbibigay ng mga puntos at nagsusuri; sa huli, ang Diyos rin ay magbibigay ng mga puntos at magsusuri sa lahat ng gumaganap sa kanilang mga tungkulin. Ang ilang tao ay talagang nakaabot sa pamantayan, habang ang iba ay lubusang hindi nakasapat. Ang ilang hindi sapat na tao ay sasailalim pa rin sa pagmamasid habang ang iba ay tiyak nang kinategorya ng Diyos. Sino ang mga tao na nakikita ng Diyos na hindi sapat? Sila ay ang may mabababang pagkatao at walang konsensiya at katwiran, na palaging gumaganap sa kanilang mga tungkulin sa paraang pabasta-basta. Gaano man karaming biyaya ng Diyos ang kanilang tinatamasa, wala silang interes na suklian ito at wala silang pasasalamat. Siyempre, likas ding kabilang dito ang masasamang tao. Masasabing ang lahat ng may mababang pagkatao at walang konsensiya at katwiran ay tumutupad ng kanilang mga tungkulin nang hindi sapat. Ang mga malinaw na masama ay hindi maiiwasang gumawa ng hindi mabilang na masasamang gawa habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Hangga’t hindi sila pinaaalis, patuloy silang gagawa ng kasamaan. Ang gayong mga tao ay dapat agad na paalisin. Siyempre, may ilang tao rin na mukhang may kaunting anyo ng pagkatao at na tila hindi masasamang tao, subalit ang pagganap nila ng kanilang tungkulin ay pabasta-basta, at hindi nagbubunga ng mga resulta. Pagkatapos pungusan at makatanggap ng pagbabahagi sa katotohanan, magiging depende ito kung paano sila gaganap sa huli at kung tapat ba silang nagsisi o hindi. Para sa gayong mga tao, naghihintay pa rin ang Diyos at nagmamasid. Para sa mga may mababang pagkatao at walang konsensiya at katwiran, gayundin ang mga malinaw na masama, may tiyak nang hatol ang Diyos sa kanila—sila ay lubusang ititiwalag.

Sunod, magbahaginan tayo tungkol sa kung ano ang mga pagpapamalas ng hindi sapat na pagtupad ng tungkulin. Magbabahagi muna Ako ng isang halimbawa, at maaari ninyong kilatisin lahat kung ang taong ito ay tumutupad ng kanyang tungkulin nang sapat at naaayon sa mga hinihingi ng Diyos. May isang tao na pinili para maging isang lider ng iglesia at hinost ng isang pamilyang may hating pananampalataya, kung saan ang ilang miyembro ay mga mananampalataya at ang ilan ay hindi. Gayunpaman, lahat sila ay may kakaibang katangian, kung saan ay partikular silang bihasa sa pagbabasa ng pakiramdam ng at pambobola sa mga may awtoridad. Ano ang hindi sinasadyang mabubuo ng katangiang ito sa lider? (Bubuo ito ng isang tukso.) Bumuo ito ng isang tukso. Isa ba itong pagpapala o kasawian para sa kanya? Hindi pa malinaw kung ito ay isang pagpapala o kasawian; magpatuloy tayo. Pagkatapos hinost ng pamilyang ito ang lider, hinahainan nila siya ng karne at masarap na pagkain sa bawat pagkain. Bakit ganito nila tinanggap ang lider? Dahil ba ito sa pagmamahal? Ganito rin ba nila tatanggapin ang mga kapatid? Tiyak na hindi. Noong naroon ang lider, nagluluto sila ng karne para sa kanya araw-araw. Kalaunan, ang lider, na nasiyahan sa mga pagkain, ay nagsabi sa pamilya, “Ang inyong buong pamilya ay nagmamahal sa Diyos. Ang iyong ina ay makapapasok sa kaharian, ang iyong anak ay makapapasok sa kaharian, at ikaw at ang iyong asawa ay makapapasok rin sa kaharian. Sa hinaharap, ang buo mong pamilya ay makapapasok sa kaharian.” Pagkarinig nito, natuwa ang buong pamilya, iniisip na, “Ang aming buong pamilya ay makapapasok sa kaharian, maging ang mga walang pananampalataya sa amin ay makapapasok. Tila hindi nasayang ang karneng ibinibigay namin sa kanya; patuloy dapat namin itong ihain sa kanya.” Sa realidad, may kaunting pagkaunawa lamang ang pamilyang ito kung ano ang ibig sabihin ng pagpasok sa kaharian, subalit alam nilang mabuting bagay ito. Sino sa mga nananalig sa Diyos ang hindi gugustuhing makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng mga pagpapala? Iniisip nilang, “Hangga’t sinasabi ng lider na makapapasok tayo sa kaharian, makapapasok tayo, tama? Ang salita ng lider ay pinal; kinakatawan ng lider ang Diyos, kung tutuusin!” Pagkatapos, habang mas sinabi ng lider na makapapasok sila sa kaharian, mas naging masagana ang mga pagkaing inihain nila sa kanya. Unti-unti, ayaw na ng lider na ito na bisitahin ang iba pang pamilya dahil hindi nila siya inalok ng magagandang bagay na ito o binola siya sa ganitong paraan. Hindi nagtagal, bumigat nang bumigat ang timbang ng lider, tumaba rin ang kanyang ulo, mula “ulo ng tao” ay naging “ulo ng baboy.” Sa isang pagtitipon ng mga magkakatrabaho, agad siyang naging kapansin-pansin. Sa hindi pagkakita sa kanya sa loob lang ng isang buwan, tumaba siya nang husto kaya pilit nila siyang kinuwestiyon tungkol sa kanyang gawain. Natuklasan nila ang mga seryosong isyu at mahigpit siyang pinungusan, hinimay-himay ang diwa ng kanyang problema bago tuluyang pinalitan ang huwad na lider na ito. Ang karagdagang pag-iimbestiga ay nagbunyag ng marami pang problema: Hindi gumawa ng tunay na gawain ang huwad na lider na ito at nagpakasaya sa mga benepisyo ng kanyang katayuan araw-araw. Pinaboran niya ang mga nambola sa kanya, itinataas sila sa katungkulan, habang sinusupil ang mga hindi naghandog sa kanya ng mga regalo. Hiningi pa nga niya na dalhan siya ng kanyang asawa ng mas maraming manok na makakain. Kaya, ano ang palagay ninyo sa pagganap ng huwad na lider na ito sa kanyang mga tungkulin? Ano ang kanyang saloobin sa kanyang mga tungkulin? Hindi talaga niya ginagawa ang gawain; para siyang pumunta sa isang lugar para lang maging isang opisyal. Kung hindi, paano siya tumaba nang husto? May dalawang dahilan para dito: Sa isang banda, sadyang pinili niya ang mga pamilyang magho-host kung saan makakakain siya ng karne, nanatili roon at tuloy-tuloy na nagpakasasa; sa kabilang banda, wala talaga siyang pakiramdam ng pasanin habang ginagampanan ang kanyang mga tungkulin, at hindi siya nagtiis ng anumang paghihirap. Kung ang isang lider o manggagawa ay may pakiramdam ng pasanin, pagkakita sa maraming gawain ng iglesia at sa maraming isyung nangangailangan ng agarang paglutas, hindi ba’t siya ay mababagabag at mababalisa? Ang pagkabalisang ito ang magtutulak sa kanya para kumilos; agad niyang sisimulang tugunan ang mga isyung ito, gugugol ng lakas at magtitiis ng ilang paghihirap. Sa pisikal, mababawasan lamang siya ng timbang; likas na kautusan ito. Sa mga anong kondisyon magpapatuloy ang isang tao na kumain nang mas marami at tumaba? Maaaring magmula lamang ito sa pagkain ng isang tao hangga’t gusto niya buong araw at walang pinagtutuunang iba pa, sa pagiging malaya mula sa pasanin, nagmamataas, nakahiwalay sa komunidad at sa lugar ng trabaho, nagpapakasasa sa mga kaginhawahan ng laman. Saka pa lamang patuloy na tataba ang isang tao, magbabago mula sa isang “ulo ng tao” tungo sa isang “ulo ng baboy” sa loob lamang nang higit isang buwan. Kaya, gaano kaayos ginagampanan ng lider na ito ang kanyang mga tungkulin? Nagbago ang kalikasan ng kanyang papel bilang isang lider; hindi na ito tungkol sa pagganap niya ng kanyang mga tungkulin kundi sa pagpapakasasa sa kaginhawahan at sa mga benepisyo ng katayuan. Umaasta siyang parang isang opisyal ng gobyerno. Hindi lang niya pinabayaan ang tunay na gawain, gumawa pa siya ng pagkakamali. Kung hindi siya binola ng isang tao o binigyan ng masarap na pagkain, sinusupil niya ito. Bukod pa rito, inudyukan niya ang mga kapatid na sumama sa kanya para pungusan ang mga ito, na sa huli ay pumukaw sa galit ng publiko. Nagsimula siyang kayamutan at layuan ng mga tao. Isinasantabi ang mga dahilan sa pagkakatanggal sa kanya, talakayin lang natin ang kasapatan sa pagtupad niya ng kanyang mga tungkulin. Ang pagpapakasasa niya sa mga benepisyo ng katayuan at ang kawalan ng tunay na gawain ay ang pinakaseryosong isyu. Hindi niya pinaglilingkuran ang hinirang na mga tao ng Diyos; umaasta siya sa kanila na parang isang opisyal, at hindi ginagampanan ang kanyang mga tungkulin sa anumang paraan. Sa kanyang gawain bilang isang lider, hindi siya nagpakita ng ni katiting na katapatan sa pagganap ng kanyang mga tungkulin, lalong hindi niya inukol ang kanyang puso at lakas. Ibinigay niya lang ang kanyang puso at lakas sa pagkain, pag-inom at pagpapasaya sa sarili. Pinag-isipan niya nang husto kung paano tatamasahin ang mga benepisyo ng kanyang katayuan, at hindi siya nakipagbahaginan sa katotohanan sa pamilyang nag-host sa kanya para higpitan ang ganitong uri ng sunud-sunurang asal sa kanila. Bukod pa rito, nilinlang niya sila, sinasabing ang gayong pagtanggap lamang ang magpapahintulot sa kanilang pumasok sa kaharian at magkakamit ng mga gantimpala. Hindi ba’t ito ay paggawa ng kasamaan? Kung ganito niya tinrato ang pamilyang nag-host sa kanya, ano ang gagawin niya sa gawain ng iglesia? Paano niya tatratuhin ang hinirang na mga tao ng Diyos? Tiyak mapupuno ito ng panlilinlang at pagiging basta-basta. Alam ba talaga ng tao na ito kung ano ang tungkulin? Alam ba niya kung ano ang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos? Ano para sa kanya ang atas na ito? Itinuring niya ito bilang kapital at bilang batayan sa pagtatamasa sa mga benepisyo ng kanyang katayuan, at bilang resulta, nakagawa siya ng maraming kasamaan, ginugulo ang buhay iglesia at nagdudulot ng kaguluhan sa buhay pagpasok ng mga kapatid. Ang gayong paraan ng pagtupad ng tungkulin ay hindi lamang hindi sapat, kundi naging masasamang gawa pa ito. Sa kawalan ng anumang sapat na sangkap sa pagganap ng tungkulin ng isang tao, maaalala ba sila ng Diyos? (Hindi.) Malinaw na hindi, na talagang kahabag-habag. Kahabag-habag ang hindi maunawaan ang katotohanan—mas lalong kahabag-habag ba na maunawaan ang katotohanan subalit hindi ito isinasagawa? (Oo.) Ito ang Unang Kaso, ang kaso ng “Ulo ng Tao na Naging Ulo ng Baboy”. Medyo simple ang kasong ito: Kinapapalooban ito ng pagpapakasasa sa mga benepisyo ng katayuan, pagganap sa tungkulin ng isang tao nang walang katiting na katapatan, at kawalan ng ni katiting na may-takot-sa-Diyos na puso. Tinrato ng lider na ito ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos bilang kapital para sa pagpapakasasa sa mga benepisyo ng kanyang katayuan. Madali itong kilatisin. Tandaan ang pangalan ng Unang Kaso, para sa hinaharap ay may mapagkumparahan kayo, makikilatis ang iba, at magaganyak ang inyong sarili. Ano ang palagay ninyo sa kasong ito na tinalakay Ko? Nayayamot ba kayo sa gayong mga tao at gayong mga pagkilos? (Oo.) Kung tinatanggap ninyo ang atas ng Diyos, magagawa ba ninyo ang gayong mga pagkilos? Kung magkakaroon kayo ng mas maraming dahilan kaysa sa huwad na lider na iyon at medyo mas magpipigil kayo, at makapagsisikap para sa katotohanan, mayroon pa ring kaunting pag-asa. Subalit kung magpapakasasa kayo sa pagkain at pag-inom at pagtatamasa sa mga benepisyo ng katayuan tulad niya, mabubunyag at maititiwalag kayo; kayo ay magiging isang ganap na huwad na lider at isang taong kinayayamutan ng Diyos. Ngayon ay mayroon na kayong kaunting pagkilatis at nakauunawa ng ilang katotohanan. Ang sukdulan kung saan kaya mong pigilin at kontrolin ang iyong sarili ang magtatakda kung gaano kalaki ang iyong pag-asa para sa kaligtasan; ang mga ito ay direktang kasukat. Kung hindi mo kayang pigilin ang iyong sarili, at patuloy na kikilos ayon sa iyong mga kagustuhan, nabubuhay sa tiwaling disposisyon at nagpapakasasa sa mga benepisyo ng katayuan, nalulugod at nalalango kapag may pumupuri sa iyo, nang walang pagninilay sa sarili o tunay na pagsisisi, ang pag-asa mong makatanggap ng kaligtasan ay wala.

Sunod, pag-usapan natin ang isa pang kaso. Sa panahon ng pagpapalawak ng ebanghelyo, maraming tao sa iglesia ang nagtutungo sa iba’t ibang lugar para ipalaganap ang ebanghelyo. Ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isang tungkulin para sa sinuman. Paano mo man ito tratuhin o kung sa palagay mo ay mabuti o hindi ang tungkuling ito, sa pangkalahatan, ito ay isang atas na ibinigay ng Diyos sa mga tao. Tungkol sa mga atas ng Diyos sa mga tao, kinapapalooban ito ng responsabilidad ng mga tao, at kinapapalooban din ito ng tungkulin ng mga tao. Dahil kinapapalooban ito ng responsabilidad ng mga tao, kinapapalooban din ito ng kung paano ginagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin. Sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang ilang tao ay partikular na naghahanap ng mayayamang lugar at mayayamang sambahayan. Kapag may nakikita silang nagmamaneho ng magandang kotse o naninirahan sa isang malaking bahay, naiinggit at nagseselos sila. Kung may nahanap silang isang sambahayan na nagho-host sa kanila nang maayos, nagtatagal sila at nagkikimkim ng mapag-imbot na puso. Iniisip nilang dahil nag-ambag sila sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat silang magtamasa ng ilang biyaya. Kaya ano ang nangyari sa pagpapalaganap nila ng ebanghelyo? Wala silang ibang ginawa kundi magpakasasa sa mga kasiyahan ng laman, ipinagpapalit ang kanilang pagtatrabaho para sa pisikal na kasiyahan; nagiging pagbebenta ito ng kanilang paggawa. Pagkatapos ng dalawa o tatlong taon, nagkamit sila ng ilang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo roon at nakapagtatag pa nga ng isang iglesia, sa gayon ay nakaipon sila ng kaunting kapital. Pagkatapos ay nagsimula silang madala, at sa oras na “maluwalhati” silang nakabalik sa kanilang bayan, nagliliwanag sila, halos naging isang tao na sunod sa moda. Nagdala sila pabalik ng mga de-kalidad na kagamitang pambahay at produktong elektroniko, at nakasuot ng magandang damit mula ulo hanggang paa. Hindi na sila makilala ng kanilang mga kababayan, iniisip na naging biglang-yaman sila sa kung saan. Wala bang problema rito? Maraming taon silang naging mananampalataya, palaging gumaganap ng kanilang tungkulin malayo sa kanilang tahanan. Sa simula, wala talagang kahit anong bagay na may halaga sa kanilang tahanan, subalit ngayon ay inuuwi nila ang lahat ng magandang damit at kasangkapang ibinibigay ng mga tao; pareho silang maayos manamit at may mahusay na kagamitan. Itinuturing nila itong biyaya ng Diyos. Subalit saan talaga nanggaling ang mga ito? Masasabing kapalit ang mga ito ng kanilang pagsisikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nakita ng ilang iba pa ang maraming taon ng kanilang pananalig at ang kanilang pagsisikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya’t binibigyan nila ang taong ito ng mabubuting bagay. Ang “pagbibigay” na ito ba ay kawanggawa? Pagkahabag ba ito? Kung nakamit nila ang mga bagay na ito dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng papuri ng iba, naaangkop ba para sa taong ito na ituring ang mga ito na kabutihang-loob o biyaya ng Diyos? Sa tahasang pagsasalita, sinasamantala nila ang oportunidad ng pagpapalaganap ng ebanghelyo para kamtin ang mga bagay na ito. Kung palagi nilang idinaraing ang kahirapan sa harap ng iba, habang binabanggit na gusto nila ang ganito o ang ganoong bagay, at pagkatapos ay may pag-aatubiling ibinigay ito sa kanila ng mga tao, hindi ba’t may anyo ito ng pangingikil at pamba-blackmail? Gusto ng ilang taong nangangaral ng ebanghelyo na sabihin sa iba na, “Kaming mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay mga mensahero ng Diyos, ipinadala ng Diyos. Tinatanggap ninyo ang ebanghelyo mula sa amin—nagkakamit kayo ng napalaking biyaya at kalamangan! Kung iisipin kung gaano kayo kayaman at kung gaano kalaking biyaya ng Diyos ang inyong tinatamasa, hindi ba’t dapat ay magpakita kayo ng kaunting pagpapahalaga? Hindi ba’t dapat ay ibahagi ninyo ang mga sobra o hindi ginagamit na mga bagay sa amin?” Pagkatapos ng gayong panghihikayat, ang ilang tao, dala ng kahihiyan, ay nagpapaubaya, at iniisip ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo na sila ay ganap na nasa katwiran. Talaga bang iyong mga nagbibigay ay ginawa ito nang kusang-loob? Kusang-loob man ang mga nagbibigay, ang mga ito ba ay mga bagay na dapat tinatanggap ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi.) Nangangatwiran ang ilan: “Bakit hindi ko dapat tanggapin ang mga ito? Labis akong nagsikap na mangaral ng ebanghelyo; hindi ba’t ang pagtanggap ng ilang bagay na ito ay biyaya lamang ng Diyos?” Ano ang ginagawa mo kapag nangangaral ka ng ebanghelyo? Ito ba ang trabaho mo para maghanapbuhay? Ang pangangaral ng ebanghelyo ay hindi isang transaksiyon; tungkulin mo ito. Kapag humihingi ka ng mga bagay-bagay mula sa mga tao, para ka na ring humihingi ng mga bagay-bagay mula sa Diyos. Pero dahil hindi mo maabot ang Diyos, at hindi ka makapangahas na humingi sa Kanya, inaabot mo na lang ang mga tao, at inililigaw sila sa pamamagitan ng pagsasalita ng isang katerbang espirituwal na teorya. Pakiramdam mo ay nagkamit ka ng merito sa pagkakamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo at na may karapatan kang tumanggap ng kaunting kabayaran para sa iyong mga pagsisikap. Sa palagay mo ay hindi magiging mabuti ang tuwirang humingi ng pera, kaya’t humihingi ka na lang ng mga bagay, naniniwalang sa paraang ito, hindi masasayang ang iyong pagsisikap. Pagganap ba ito ng iyong tungkulin? (Hindi.) Nagbago ang kalikasan ng iyong mga pagkilos. Ano ang ginawa mo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Ginawa mong komersiyalisado ang ebanghelyo ng Diyos, ipinagpapalit ito para sa mga materyal na bagay na ito. Anong uri ng pag-uugali ito? (Oportunismo.) Oportunismo ito? Nakababawas ba sa pagiging malubha nito ang pagtawag ditong oportunismo? Hindi ba’t talagang paggawa ito ng kasamaan, hindi ba’t ito ay isang masamang gawa? (Oo.) Bakit itinuturing itong isang masamang gawa? Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagganap ng tungkulin at pagpapatotoo sa Diyos; habang nagpapatotoo ka sa Diyos, sabay mong dinadala ang ebanghelyo sa isang tao at nakakamit ng Diyos ang tao na iyon, at sa gayon ay nakompleto mo ang iyong misyon. Anuman ang dapat mong matanggap sa pagkompleto ng iyong misyon, ibibigay ito sa iyo ng Diyos; hindi mo kailangang humingi sa sinuman, at wala ring dahilan ang kahit na sino na ipagpalit ang kawanggawa para sa ebanghelyong ito. Walang katumbas na halaga ang ebanghelyo ng Diyos; walang halaga ng pera ang makabibili rito, at hindi ito maipagpapalit para sa anuman. Kapag ginagamit mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang oportunidad para magkamit ng mga materyal na benepisyo, nawawala mo ang iyong pagpapatotoo; ang pamamaraang ito ay kalapastanganan at isang tanda ng pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Bukod pa rito, ano ang kalikasan ng pagdudulot sa mga taong tumanaw ng utang na loob sa iyo matapos mong ipalaganap sa kanila ang ebanghelyo? Pagnanakaw ito sa kaluwalhatian ng Diyos! Hindi mga kalakal ang ebanghelyo at gawain ng Diyos. Malayang ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang ebanghelyo sa tao; libre ito at hindi kinapapalooban ng anumang transaksiyon. Subalit ginagawa pa ring kalakal ng mga tao ang ebanghelyo ng Diyos para ibenta sa iba, humihingi ng pera at mga materyal na bagay mula sa kanila. Kawalan ito ng pagpapatotoo at pagdudulot ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Hindi ba ito isang masamang gawa? (Oo.) Isa nga itong masamang gawa. Sapat na pagtupad ba ito ng tungkulin? (Hindi.) Mas malubha ba ang kalikasan nito kaysa sa kasong katatalakay lang natin, ang “Ulo ng Tao na Naging Ulo ng Baboy”? (Oo.) Nasaan ang pagiging malubha nito? (Sa pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos.) Ito ay pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos, paglapastangan sa Diyos, at pagnanakaw sa kaluwalhatian ng Diyos. Ang pagkuha sa ebanghelyo ng Diyos at pagbebenta nito sa mga tao, itinitinda ito sa kanila na para bang kalakal ito, at pagkatapos ay kumikita nang labis-labis at naghahanap ng personal na kapakinabangan mula rito—anong uri ng mga nilalang ang gagawa nito? Mga bandido at masasamang tao ang mga ito, umaasal sa paraan ni Satanas! Malinaw na nilikha ng Diyos ang langit, lupa, at lahat ng bagay, gayundin ang sangkatauhan, subalit inililigaw ni Satanas at ng masasamang espiritu ang mga tao sa pamamagitan ng pagsasabing sila ang mga lumikha sa mga tao, langit, at lupa, idinudulot na sambahin sila ng mga tao bilang Diyos at ang Lumikha. Hindi ba’t pagnanakaw ito sa kaluwalhatian ng Diyos? Isa itong kasalanan, isa itong masamang gawa, pagsalungat ito sa Diyos. Ang pagbebenta ba ng tao sa ebanghelyo ay katulad ng pag-uugali ni Satanas? (Oo.) Ano ang layunin ng pagbebenta nila sa ebanghelyo? Para ituring sila ng mga tao na mensahero ng ebanghelyo, na para bang nagmumula sa kanila ang ebanghelyo at may kapangyarihan silang gumawa ng mga desisyon. Hindi ba’t pagnanakaw ito sa kaluwalhatian ng Diyos? (Oo.) Anong uri ng kasalanan ang nagawa sa pagnanakaw sa kaluwalhatian ng Diyos? Ano ang kalikasan nito? Ito ang masamang gawa ng pagsalungat sa Diyos; isa itong pag-uugali na lumalapastangan sa Diyos. Ang pagpapalaganap ba ng ebanghelyo sa ganitong paraan ay maituturing pa ring pagganap sa tungkulin ng isang tao? Ganap itong paggawa ng kasamaan; pagsalungat ito sa Diyos. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa paraang ito ay talagang hindi pagpapatotoo sa Diyos, kaya’t hindi ito pagganap ng tungkulin ng isang tao; lubos itong paggawa ng kasamaan. Sinasabi ng ilang tao na: “Mahirap na gawain ang pagpapalaganap ng ebanghelyo; patas lamang na makatanggap ng kaunting mabuting bagay. Anong problema? Hindi ito maituturing na anumang masama sa mga walang pananampalataya.” Tama ba ang pahayag na ito? Depende ito sa kung ano ang iyong mga intensyon, ano ang iyong mga ninanasa, at ano ang kalikasan nito. Kung ginagawa mo ito para sa personal na kapakinabangan, ang ibinebenta mo ay ang ebanghelyo ng Diyos, ang ibinebenta mo ay ang katotohanan, at ang makakamit mo sa huli ay ang iyong personal na benepisyo—kung gayon ito nga ay masamang gawa. Labis-labis bang ituring ito na isang masamang gawa? (Hindi.) Hindi ito labis-labis kahit kaunti. Kapag natanggap ng sinuman ang kanilang tungkulin at ginampanan ito, subalit lumitaw ang gayong mga kahihinatnan, sino ang dapat sisihin? (Ang taong iyon mismo.) Masisisi lamang niya ang kanyang sarili. Kaya paano nangyari ang mga kahihinatnang ito? Tuwiran itong nauugnay sa buktot na kalikasan ng mga tao. Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan, subalit may pakiramdam sila ng kahihiyan, karakter, at konsensiya, kaya’t hindi nila gagawin ang gayong mga bagay. Kung ang sinuman ay gumagawa ng gayong mga pagkilos, ipinapakita nitong walang pagkatao ang taong ito; siya ay sakim at may marahas na disposisyon. Humahantong ito hindi lamang sa pagkabigong tuparin ang kanyang mga tungkulin nang sapat, kundi talagang nagiging paggawa ito ng kasamaan. Sinasabi ng ilang tao na: “Paano ito maituturing na paggawa ng kasamaan? Nagawa nilang magkamit ng ilang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap nila ng ebanghelyo; ang katunayan lang na nagkaroon sila ng malilinaw na resulta ay dapat magwaksi sa ideyang gumagawa sila ng kasamaan, tama?” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit hindi ito tama? Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay kanilang tungkulin, kanilang responsabilidad. Ano ang intensyon at hangarin sa likod ng kanilang tungkulin? Anong mga prinsipyo ang gumagabay sa kanilang tungkulin? Responsable ba sila sa kanilang mga pagkilos? Batay sa mga salik na ito, matutukoy ng isang tao kung ang tao ay gumaganap ng kanyang mga tungkulin o gumagawa ng kasamaan. Kahit na ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin, mali ang simulain ng pagganap niya ng kanyang tungkulin; hindi siya kumilos ayon sa mga prinsipyo at gumawa ng maraming masamang gawa. Walang kahit katiting na pagpapamalas ng pagsasagawa ng katotohanan. Ano ang diwa ng ganitong uri ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Pagbebenta sa ebanghelyo.) Ano ang dapat itawag sa kasong ito? Ang kaso ng “Pagbebenta sa Ebanghelyo.” Marinig lang ang pamagat na ito, malalaman mo nang napakaseryoso ng kalikasan ng isyu. Paanong maibebenta ng isang tao ang ebanghelyo ng Diyos? Ang kalikasan ng isyung ito ng pagbebenta sa ebanghelyo ay napakaseryoso. Kaya, sa tuwing nababanggit ang pagbebenta sa ebanghelyo, hindi ba’t dapat malaman ng mga tao kung ano ang usapin, ano ang mga kalagayan, pag-uugali, at mga pamamaraan? Ito ang Ikalawang Kaso, at ang kalikasan ng kasong ito ay mas seryoso kaysa sa nauna.

Ang sumusunod na kaso ay isa ring naganap sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Noong nakaraan, nagtatag ang sambahayan ng Diyos ng ilang prinsipyo at pamamaraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kabilang ang mga pamamaraang may kinalaman sa habag at pakikipagkaibigan. Pinahintulutan nito ang ilang tao na maghanap ng mga butas na sasamantalahin. Aling mga tao ang nanamantala sa mga butas na ito? Ang mga tao na may buktot na kalikasan na hindi nagmamahal sa katotohanan. Sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, may ilang masamang tao talaga na sinasamantala ang pagkakataong ito upang makahanap ng mga romantikong kapareha at makisali sa mga romantiko at matalik na relasyon. Kapag nangyayari ang gayong mga bagay, iniisip nilang may mga dahilan para rito, samantalang sa katunayan ang mga buktot na indibidwal na ito ni Satanas ang nananamantala sa mga butas. Gamit ang oportunidad sa pagpapalaganap ng ebanghelyo para makasalamuha ang kasalungat na kasarian, kapag natagpuan ng mga tao na ito ang sinumang angkop o kanais-nais, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya para makahanap ng mga pagkakataon para makihalubilo sa mga ito at maakit sila. Sa panlabas, tila para ito sa kapakanan ng pagkakamit ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, subalit sa realidad, ito ay para matugunan ang kanilang personal na pagnanasa. Ginagawa nila ang lahat ng bagay na ito sa ilalim ng bandila ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, sa ilalim ng bandila ng pagpapalawak sa gawain ng Diyos, sa ilalim ng bandila ng pagpapatotoo sa Diyos at pag-aalay ng kanilang sarili sa Diyos, at sa ilalim din ng bandila ng pagganap ng kanilang tungkulin. Walang sinuman ang gumagawa ng mga bagay na ito nang hindi sinasadya; sa katunayan, sila ay ganap na nakauunawa subalit pilit na nagpapanggap na nalilito. Alam ng bawat tao sa kanilang puso na kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito na ito ay makasalanan, kinapopootan ng Diyos, at hindi pinahihintulutan ng Diyos, subalit hindi nila makontrol ang kanilang makalamang pagnanasa, at pilit nilang sinusubukang magpalusot at mangatwiran para sa mga ginagawa nilang kasalanan. Maitatago ba nito ang mga sarili nilang isyu? Kung nakagawa ka ng gayong mga kasalanan isa o dalawang beses at pagkatapos ay nagsisi, maaari ka pa ring patawarin ng Diyos, subalit kung patuloy kang tumatangging magbago, nanganganib ka. Maaaring medyo mabalisa ang ilang tao sa tuwing nakaagawasila ng gayong kasalanan, iniisip na, “Maililigtas ba ako kung kumikilos ako sa ganitong paraan?” Subalit iniisip din nila pagkatapos na, “Hindi ito isang malaking kasamaan; sa sukdulan, ito ay pagbubunyag lamang ng katiwalian. Hindi ko na ito uli gagawin; hindi nito maaapektuhan ang aking kalalabasan at destinasyon.” Ang saloobin bang ito sa paggawa ng pagsalangsang ay tunay na pagsisisi? Kung wala man lang pagsisisi sa kanilang puso, hindi ba sila patuloy na magbabalik sa dati? Sa palagay o ay lubha itong mapanganib. Matutupad ba ng gayong tao ang kanyang tungkulin nang sapat? Sa pagganap ng kanyang tungkulin, mayroon pa ring mga elemento ng isang “pribadong operasyon”; pinaghahalo nila ang “publiko at pribado,” na isang malaking adulterasyon! Tiyak na sasalungatin nito ang disposisyon ng Diyos. Ang mga taong ito ay hindi maituturing na “sapat” sa pagtupad ng kanilang tungkulin; mas seryoso ito kaysa sa paghingi ng mga bagay-bagay o pagbebenta sa ebanghelyo. Paano ito naging mas seryoso? Nakaririmarim ito; isa itong kalakalan ng laman at pagnanasa. Kaya, ano ang kalikasan ng isyung ito? Ito ay sinasadyang pagkakasala sa kabila ng pagkakaalam sa katotohanan. Binabago ng salitang “sadya” ang kalikasan ng isyu. Sa katunayan, alam nilang ang mga regulasyon at prinsipyo sa mga pagsasaayos ng gawain ay idinisenyo para himukin ang mga tao na magsagawa ng karunungan at para maiwasang magkamit si Satanas ng kalamangan laban sa kanila. Ang layunin ay ang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos, subalit sinasamantala nila ang mga butas at sinusunggaban ang mga oportunidad na malayang mailabas ang kanilang mga buktot na pagnanasa; tinatawag itong sinasadyang paggawa ng kasalanan. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito? (“Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin” (Mga Hebreo 10:26).) Kung maging ang handog ng krus para sa kasalanan ay wala na, mayroon pa bang kahit anong kaugnayan ang mga taong ito sa kaligtasan? Depende iyon sa sitwasyon. May ilang tao na kumikilos dahil sa pangangailangan, o tinutuligsa ang kanilang sarili sa panloob, subalit napipilitan silang kumilos sa ganitong paraan dahil sa mga kalagayan sa panahong iyon. Kung hindi masyadong maraming beses ito nangyari, hindi hihigit sa tatlo, maaaring mapatawad ang mga ito. Ano ang ibig sabihin na maaari silang mapatawad? Ibig sabihin na sa unang pagkakasala, kung mamumulat sila, hahanapin ang katotohanan, magpapakita ng mga tanda ng pagsisisi, at magbabalik nang hindi muling nagkakasala, habang hinihinging gampanan ang kanilang mga tungkulin, maaari silang bigyan ng pagkakataong magbayad sa kanilang mga kasalanan. May pag-asa pa rin para sa kaligtasan sa gayong mga kaso, subalit kung gaano kalaking pag-asa ay nakadepende sa indibidwal na paghahangad. Walang sinuman ang makapagbibigay ng tiyak na hatol para sa iyo, walang sinuman ang makapagbibigay sa iyo ng mga garantiya; pangunahin itong nakadepende sa iyong sariling paghahangad. Hindi Ako magbibigay ng anumang pangako sa iyo, magsasabing hangga’t hindi mo gagawing muli ang kasalanang ito, tiyak na maililigtas ka; hindi Ko gagawin ang pangakong iyon dahil hindi Ko alam kung paano ang magiging pagganap mo sa hinaharap. Kung lalampas ka sa bilang ng mga pagkakataon na posible ang pagpapatawad, paulit-ulit kang tatangging magbago, at wala kang mabuting gawa sa panahon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo na maaaring bumawi sa iyong masasamang gawa, lubos ka nang walang pag-asa. Nakagawa ka ng napakaraming kasamaan nang walang anumang bahid ng mabubuting gawa; ang pangangaral mo ng ebanghelyo ay para lamang walang-ingat na makibahagi sa matatalik na relasyon, hindi para magampanan nang maayos ang iyong tungkulin—ito ay hiwalay sa iyong pagganap ng tungkulin. Hindi na ito isyu ng pagkakaroon o hindi ng isang handog para sa kasalanan. Paano dapat iklasipika ang mga gayong tao? Dapat silang iklasipika bilang maruruming demonyo at masasamang espiritu. Hindi sila mga normal na tao. Hindi lang sila nagkakasala; wala silang kinalaman sa pagganap ng kanilang tungkulin. May pag-asa pa rin ba para sa kanilang kaligtasan? Wala, wala nang pag-asa. Sinipa palabas ng sambahayan ng Diyos ang gayong mga tao; tinanggal sila at hindi sila ililigtas ng Diyos. Ang ginagawa nila at kung paano sila umaasal ay hindi lamang bigong tumugon sa kanilang tungkulin; hindi rin ito maituturing na usapin ng sapat na pagtupad ng tungkulin. Ang magiging resulta at ang kalalabasan para sa gayong mga tao ay matutukoy batay sa kanilang klasipikasyon. Hindi ba’t medyo nakaririmarim ang kasong ito? Mas lalo pang malubha ang kalikasan nito kaysa sa ikalawang kaso na katatalakay lang natin. Sa mga gayong tao, may ilan na ang mga kaso ay mas malubha sa kalikasan. Kaya ba nilang makabalik? Kaya ba nilang magkaroon ng nagsisising puso at tumigil sa paggawa ng gayong mga bagay, at magtrabaho pa rin sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos? May mga tao bang tulad nito? (Wala.) Kaya ba nilang taos-pusong magtrabaho? (Hindi.) Sa katunayan, ilan sa mga tao na ito ang nagkamit ng ilang tao sa panahon ng kanilang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit ngayon, ano na ang naging katumbas ng lahat ng kanilang ginawa? Katumbas ito ng pagtatrabaho, hindi ng pagganap ng kanilang tungkulin. Sa katunayan, hindi nagkukulang sa pagsisikap ang mga tao na ito, subalit ang landas na kanilang tinahak ang nagtakda sa kanilang kapalaran at kalalabasan. Sa mga tao na nagpapalaganap din ng ebanghelyo, ang bawat isa ba sa kanila ay mahaharap sa gayong mga tukso? Masasabing haharapin ng lahat ang mga uri ng mga tuksong ito sa magkakaibang antas sa magkakaibang sitwasyon, subalit ibig sabihin ba nito na bawat isa sa kanila ay bibigay sa tukso at magkakasala? (Hindi.) Hindi lahat ay kayang magkasala, hindi lahat ay kayang gumawa ng gayong mga gawain—kinokondena nito ang mga gumagawa ng mga ganitong uri ng gawain, at sila sa gayon ay ibinubunyag. Ipinakikita nitong may mali sa kanilang disposisyon at kanilang pagkatao. Sino ang dapat nilang sisihin sa pagkakaroon ng gayong kalalabasan? (Ang sarili nila.) Masisisi lamang nila ang kanilang sarili, at wala ng iba.

May ilang tao, anumang mga pagsalangsang ang ginagawa nila sa panahon ng kanilang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ang hindi kailanman naghahanap ng katotohanan para malutas ang mga ito, hindi nananalangin sa Diyos, at hindi kailanman nagninilay sa sarili, na nagpapakitang sila ay matigas ang ulong hindi nagsisisi. Sa huli, itiniwalag ang mga taong ito. May nabalitaan akong isang tao na, habang pinalalaganap ang ebanghelyo, ay nang-angkin ng isang babae at ni hindi niya ito pinapayagang maghanap ng kapareha at magpakasal; napakalubha ng kalikasan nito. Anong uri ng tao ito? (Isang masamang tao.) Makapapanatili ba ang gayong masasamang tao sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Walang lugar ang sambahayan ng Diyos para sa gayong mga mapaniil na tao; dinudulutan nila ng kahihiyan ang Diyos! Sa paggawa ng gayong mga bagay, naaapektuhan nila ang pagkaunawa ng di-mabilang na mga tao sa Diyos at nagdudulot sa marami na magkaroon ng maling pagkaunawa sa Kanya! Sasabihin ng mga tao na, “Paanong magagawa ang gayong mga bagay ng isang nananalig sa Diyos?” Isa na agad itong pagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Kung hindi patatalsikin at iwawasto ng iglesia ang gayong mga indibidwal at sa halip ay hahayaan silang patuloy na magpalaganap ng ebanghelyo at bibigyan sila ng pagkakataong magsisi, iyon ay ganap na mali. Hindi unang beses na nagkasala ang taong ito; malubha ang kalikasan ng kanyang pag-uugali at dapat siyang tuwirang patalsikin. Kung hindi, dudulutan niya ng kahihiyan ang Diyos at bibigyan si Satanas ng kalamangan upang husgahan at ikondena ang sambahayan ng Diyos. Kaya’t hindi dapat bigyan si Satanas ng pagkakataong makakuha ng kalamangan; dapat patalsikin sa iglesia ang mga palagiang walang pakundangan. Ang gayong mga indibidwal ay mga espiritung walang pakundangan na dinulutan ng kahihiyan ang Diyos, at hindi talaga sila ililigtas ng Diyos. Gaano man kabisa ang kanilang pangangaral ng ebanghelyo o kung gaano karaming tao ang nakamit nila, kung hindi nila tinatahak ang tamang landas, winasak at ipinahamak nila ang kanilang sarili. Hindi pinahihintulutang umiral ang gayong mga tao sa sambahayan ng Diyos; mga target sila para tanggalin. Kaya, maituturing bang pagganap ng kanilang tungkulin ang kanilang mga gawa? Hindi, lahat ng kanilang mga ambag ay ganap na binura sa paningin ng Diyos at hindi Niya maaalala ang mga ito. Hindi lamang basta hindi sapat ang mga ito; nagbago rin ang kalikasan ng kanilang pagganap sa tungkulin, at naging paggawa ito ng kasamaan. Paano hinaharap ng Diyos iyong mga gumagawa ng kasamaan? Tinatanggal Niya sila. Ano ang ibig sabihin ng pagtanggal? Ibig sabihin nito ay inaalis sila mula sa mga taong pinili at inihanda ng Diyos na iligtas—hindi sila nabibilang sa mga taong ito. Sa halip ay ikinategorya sila sa masasamang espiritu, maruruming demonyo, at mga hindi ligtas. Ano ang mga tsansa nilang magkamit ng kaligtasan? (Wala.) Bagaman ginampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sinunod din ang Diyos, sa huli, ang ganitong uri ng tao ay umaabot sa puntong ito at itinitiwalag. Kaya tingnan mo, isa pa itong uri ng tao. Mas seryoso ba ang kalikasan ng kasong ito kaysa sa naunang kaso? (Oo.) Mas seryoso pa ito; naka-target ito. Dapat isama ang kasong ito sa pangatlong kaso; nasa kategorya ito ng isang espesyal, tipikal na kaso sa ikatlong halimbawa, at naka-target ito. Ano ang dapat itawag sa kasong ito? “Tatanggalin ang mga Buktot na Tao,” magkasundo tayo riyan. Para sa tatlong uri ng tao sa tatlong kasong ito, ang pagganap nila ng kanilang tungkulin ay talagang katumbas ng pagtatrabaho nang walang epekto. Ano ang ibig sabihin ng pagtatrabaho nang walang epekto? Ibig sabihin nito na ginawa nilang pagtatrabaho lang ang kanilang tungkulin—at kahit ganoon, hindi sila nagtrabaho nang maayos o maayos na gumanap ng kanilang tungkulin. Hindi nila tinrato ang kanilang tungkulin bilang tungkulin, at gumawa pa ng iba’t ibang kamalian at masasamang gawa at sa huli ay itiniwalag, na walang kinalabasang mabuti. Ang kalikasan ng lahat ng tatlong kasong ito ay napakaseryoso.

May isa pang kaso, at napakalubha rin ng kalikasan nito. May isang tao na gumanap ng gawain sa loob ng maraming taon at, sa panlabas, ay tila naghangad sa katotohanan at tunay na ginugol ang kanyang sarili. Tinalikuran niya ang kasal at pamilya, inabandona ang kanyang propesyon at mga oportunidad sa trabaho, nagtungo sa maraming lugar para gampanan ang kanyang mga tungkulin, at nagsagawa rin ng ilang gawaing hindi mahalaga. Subalit sa proseso ng pagganap niya ng kanyang mga tungkulin, kaunting katotohanan ang naunawaan niya dahil hindi niya talaga hinangad ang katotohanan, at inakala niyang maayos ang kanyang ginagawa dahil lang nakapagsasalita siya ng ilang salita at doktrina. Ang mas seryoso pa ay na hindi talaga nagsagawa ng katotohanan ang taong ito. Kaya ang pagganap niya ng tungkulin ay basta pangangaral lang ng ilang doktrina at pagsunod sa ilang regulasyon, kadalasang mabuti ang inaasal sa iba at hindi sinasalungat ang sinuman. Tungkol sa kung paano gampanan ang gawain ng iglesia at kung anong mga isyu ang umiiral pa rin, hindi siya mapagmasid, hindi nagsikap, at hindi naghanap ng katotohanan para lutasin ang mga isyung ito. Sa madaling salita, mababaw at walang pakialam ang saloobin niya sa gawain; tila hindi siya naghinay-hinay subalit hindi rin niya pinapagod ang kanyang sarili. Tila hindi siya kumikilos nang pabasta-basta, subalit ang mga resulta ng kanyang gawain ay hindi partikular na mabuti. Sa isang partikular na insidente, dahil sa kanyang kapabayaan at pabasta-bastang saloobin, naging sanhi siya sa pagkawala nang mahigit 10 milyon RMB sa mga handog sa Diyos. Anong halaga ba ang 10 milyong RMB? Kapag narinig ang ganitong halaga, ituturing ito ng mga karaniwang tao na isang napakalaking bilang. Magugulat sila at hindi man lang maglalakas-loob na isipin ang tungkol dito, dahil hindi pa sila nakakita ng ganoong karaming pera sa buong buhay nila. Subalit ang “matandang ginoo” na ito, matapos maging sanhi ng pagkawala nang higit sa 10 milyong RMB ng mga handog, ay walang panghihinayang, walang pahiwatig ng pagsisisi, at hindi malungkot. Nang pinatalsik siya ng iglesia, nagreklamo pa rin siya. Anong uri ng nilalang ang gagawa nito? Talakayin natin ang dalawang punto. Una, nawala ang halaga ng perang ito habang nagtatrabaho ka, at kanino mang pagkakamali ito, ikaw ay responsable. May responsabilidad kang protektahan ito, subalit nabigo kang gawin ito. Pagpapabaya ito sa tungkulin, dahil hindi ito pera ng tao; ito ay isang handog, at dapat itong tratuhin ng mga tao nang buong katapatan. Kung nawala ang mga handog, paano dapat mag-isip ang isang tao? Kahit kamatayan ay hindi magiging sapat na kabayaran! Ano ang halaga ng buhay ng tao sa salapi? Kung masyadong malaki ang kawalan, kahit ang pagbibigay ng buhay ng isang tao ay hindi magiging sapat para mabayaran ito! Ang susi ay na ang kalikasan ng isyung ito ay masyadong malubha. Hindi sineryoso ng “matandang ginoo” na ito ang pagkawala ng napakaraming handog; lubhang kasuklam-suklam ang tao na ito! Ang pagkawala nang mahigit 10 milyong RMB ng mga handog ay parang pagkawala lang nang may 100 RMB sa kanya; hindi niya talaga ito iniulat sa Itaas, walang anumang pagsisisi sa isyung ito, at hindi sinabi sa mga taong nakapalibot sa kanya na, “Suriin natin kung paano nawala ang perang ito at kung ano ang dapat gawin. Dapat ba natin itong bayaran o humanap ng ibang solusyon? O siguro dapat natin itong ipaalam sa Itaas, aminin ang responsabilidad at magbitiw, at manalangin sa Diyos para ikumpisal ang ating mga kasalanan?” Wala man lang siyang ganitong saloobin; kasuklam-suklam ba ito? (Oo.) Masyadong kasuklam-suklam ang lahat ng ito! Ang kakayahan niya para sa gayong kalaking paggawa ng kasamaan ay nagbubunyag sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin at sa Diyos. Ikalawa, pagkatapos mapatalsik, hindi niya lang ito hindi tinanggap, o hindi ikinumpisal ang kanyang kasalanan, o hindi nagsisi, kundi nagreklamo pa siya. Malayo sa katwiran ang gayong tao. Isipin na lang kung ano ang posible niyang mairereklamo. Nagreklamo siyang, “Nanalig ako sa Diyos nang mahigit 20 taon, hindi ako kailanman nagpakasal, masyado akong maraming isinuko, nagtiis ng napakaraming paghihirap, at ngayon pinatatalsik nila ako, tinatanggihan ako. Hahanapin ko ang sarili kong lugar!” Hindi kalaunan, nagpakasal siya. Sabihin mo sa Akin, kung ang isang karaniwang tao—isa na may konsensiya at pagkatao—ay may kaunting pagpapahalaga sa kanyang konsensiya, magpapakasal ba siya nang ganoon kabilis? Magkakaroon ba siya ng gana para rito? Sa pangkalahatan, ang isang tao na may kahit katiting na konsensiya at pagkatao, kapag naharap sa gayong kalubhang isyu, ay pag-iisipan pa nga ang kamatayan, iniisip na, “Tapos na ang buhay ko, paano ako nakagawa ng gayong bagay pagkatapos manalig sa Diyos nang mahigit 20 taon? Ang sarili ko lang ang dapat kong sisihin at karapat-dapat akong mapatalsik! Kalimutan na ang 10 milyon; ni hindi ko kayang bayaran ang isang milyon. Kahit pa maibenta ako, hindi ko ito mababayaran, walang anumang halaga ang aking buhay!” Bakit ginawa mo pa rin ito kahit alam mong hindi mo ito kayang bayaran? Hindi mo ba alam na ang perang iyon ay isang handog, nakalaan sa Diyos? Hindi sa iyo ang perang iyon; ang iyong responsabilidad ay protektahan ito. Hindi ito isang bagay na walang relasyon sa iyo; isa itong bagay na dapat mong panatilihing ligtas. Ito ang pinakamahalagang bagay, at ang iyong kawalang-ingat ay isang pagpapabaya sa tungkulin. Ngayong nawala mo ito, hindi mo talaga dapat takasan ang responsabilidad mo rito. Bilang isang taong nananalig sa Diyos, hindi ba’t may obligasyon at responsabilidad kang panatilihing ligtas ang mga handog na ito at iwasan ang anumang kapahamakan? Hindi ba dapat binawasan mo ang panganib na may mangyaring mali? Kung kahit iyan ay hindi mo magawa, ano ka? Hindi ba’t ikaw ay isang nabubuhay na demonyo? (Oo.) Lubos iyang nakaririmarim at walang pagkatao! Bukod pa rito, pagkatapos mapatalsik, hindi lang na tumigil siyang manalig sa Diyos at nagpakasal, kundi ginulo rin niya ang mga mananampalataya sa kanyang pamilya—mas seryoso ang kalikasan nito. Ginampanan niya ang kanyang tungkulin sa loob ng maraming taon, tinalikuran ang marami, nagsakripisyo nang marami, gumawa ng marami-raming gawain, nakipagsapalaran, at nagsilbi ng oras sa bilangguan. Subalit hindi itinatakda ng mga panlabas na salik na ito ang kapalaran ng isang tao. Ano ang nagtatakda rito? Ang landas na pinipili ng isang tao. Kung tinahak niya ang landas ng paghahangad sa katotohanan, hindi sana siya hahantong sa ganito at hindi sana magiging sanhi ng malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos. Tiyak na hindi nagkataon lang para mangyari ang gayong malaking aberya; tuwiran itong may kaugnayan sa kalidad ng kanyang pagkatao at sa landas na kanyang pinili. Sa tingin ba ninyo ay batid ng Diyos kung saang landas siya naroroon? (Oo.) Alam ng Diyos. Kaya, nilayon ba ng insidenteng ito na ibunyag o itiwalag siya? Ito ay parehong para ibunyag at itiwalag siya. Sa perspektiba ng tao, tila ginagampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin, may katapatan, paggugol, kahandaang magbayad ng halaga, at kakayahang magtiis ng paghihirap. Kaya bakit gagawin ng Diyos ang ganitong bagay sa kanya? Bakit siya ibubunyag ng Diyos? Ano ang nilayon na mabunyag? Ito ba ay para lang ibunyag ang kanyang kahihinatnan? Hindi, ito ay para ibunyag ang kanyang pananampalataya, ibunyag ang kanyang pagkatao, ibunyag ang kanyang diwa at kalikasan—nailantad na ang lahat ng ito ngayon. Kaya pa rin bang iligtas ng Diyos ang gayong tao? Nagtataglay ba ang Diyos ng kahit katiting na pag-asam para sa kanya? Ganap na walang pag-asam ang Diyos para sa gayong tao. May natitira pa bang anumang pagmamahal o awa ang Diyos para sa kanya? Wala na talaga. Maaaring sabihin ng ilan na: “Kung walang pagmamahal o awa ang Diyos sa kanya, may natitira lang bang pagiging matuwid, pagiging maharlika, at poot?” Tama iyan. Ang gayong kasamang tao ay hindi na nangangailangan ng pagmamahal o awa, at wala nang pangangailangan para riyan, dahil lubha niyang sinalungat ang disposisyon ng Diyos. Ang natitira na lang mula sa Diyos para sa kanya ay pagiging matuwid, pagiging maharlika, at poot. Walang kinalaman ang kanyang kinahinatnan sa gawain ng pamamahala ng Diyos, ito ay ganap na walang kinalaman sa gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan; siya ay itiniwalag at tinanggal. Samakatuwid, nasaan man ang taong ito ngayon, sa paningin ng Diyos, isa lang siyang nabubuhay na patay na tao, isang naglalakad na bangkay na naninirahan kasama ang maruruming demonyo at masasamang espiritu, kabilang sa mga may suot na mga mukha ng tao subalit nagtataglay ng pusong hayop at mga hayop na nakadamit pantao. Ang mga ito ang kanyang katangian, at tinanggal siya mula sa paningin ng Lumikha. Kung titingnan ang kanyang kinahinatnan at ang kanyang huling saloobin sa malaking pangyayaring ito na naganap sa kanyang buhay, may anumang kinalaman ba ang pagganap niya ng tungkulin sa buong panahong ito sa salitang “sapat”? (Wala.) Paano mo nalaman na hindi sapat ang pagganap niya ng tungkulin bago pa man naganap ang pangyayaring ito? Ito ba ay sa pamamagitan ng paghusga at paghinuha, o ginawa mo ba ang pagsusuring ito sa pamamagitan ng pagsisiyasat sa kanyang diwa? (Sa pagsisiyasat sa kanyang diwa.) Tama iyon. Kunin natin si Pablo bilang halimbawa—kung hinangad niya ang katotohanan, kung hinangad niyang maperpekto tulad ni Pedro, hindi sana siya nagsalita ng gayong mga kalapastangan. Ang bawat kalalabasan ay may dahilan: Ang kinalabasan ng taong ito ay may mga pinagbabatayang dahilan. Mula sa katunayang nagawa ng taong itong maabot ang puntong ito ngayon, at mula sa kanyang saloobin sa Diyos, ang kanyang saloobin sa mga handog, at ang kanyang saloobin sa kanyang mga sariling masamang gawi, sapat nang malinaw na maipakita sa mga tao ang landas na kanyang tinatahak at kung ano talaga ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Ganap nitong ibinubunyag ang kanyang diwa at ang landas kung saan siya naroon. Kung nasa landas siya ng paghahangad sa katotohanan, ang landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, at kung kaya niyang tunay na itrato ang kanyang tungkulin bilang kanyang responsabilidad at obligasyon, paano kaya niya hinarap ang sitwasyong ito nang hindi na ito naiwasang maganap? Tiyak na hindi siya magkakaroon ng saloobin na mayroon siya ngayon—ng paglaban at pagrereklamo. Nailantad ang kanyang demonikong bahagi; ang kalikasang diwa sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa ay ganap nang nailantad. Hindi siya isang tao, isa siyang demonyo. Kung tao siya, hindi dapat siya humantong sa ganito pagkatapos manalig sa Diyos nang mahigit 20 taon. Kung tao siya, gaano kalaking panghihinayang ang mararamdaman niya para sa gayong napakalaking pagkawala ng mga handog? Gaano karami ang kanyang iluluha? Hanggang saan siya mangangatog? Hindi maiiwasang makaramdam siya ng pananagutan at ng matinding kasalanan, naniniwalang hindi mapapatawad ang kanyang sarili, at mararamdamang dapat siyang magsisi at mangumpisal ng kanyang mga kasalanan sa Diyos. Kahit papaano, kahit na pinatalsik siya ng iglesia, hindi siya titigil sa pananalig, o hindi niya ipagkakanulo ang Diyos, lalo na ang guluhin ang pananampalataya ng kanyang pamilya sa Diyos. Ano ang matutukoy natin mula sa iba’t ibang karugtong na pag-uugali ng taong ito? Na siya ay isang hindi mananampalataya na walang pagmamahal sa katotohanan, at na ang kanyang pagkatao ay malisyoso rin. Ito ang ikaapat na kaso. Ano ang itatawag natin sa kasong ito? (“Ang Kaso ng Pagkawala ng Sampung Milyon ng mga Handog.”) Dapat nating idagdag ang kanyang reaksiyon dito at tawagin itong “Ang Pagkawala ng Sampung Milyon ng mga Handog na Walang Tanda ng Pagsisisi.” Hindi ba’t mas maganda ang pamagat na iyan? Nagsisilbi itong babala sa iba; kahit papaano, ipinababatid nito sa mga tao kung saan naroon ang kalubhaan ng kanyang mga pagkilos.

Ang kaganapan ng lahat ng mga pangyayaring ito, ang iba’t ibang pag-uugaling ipinakita ng mga taong ito, gayundin ang kanilang mga saloobin sa Diyos pagkatapos maganap ang mga pangyayaring ito, ay lumitaw lahat at nailantad sa proseso ng pagganap nila ng kanilang mga tungkulin. Samakatuwid, sa ilang pagkakataon, ang landas na tinatahak ng isang tao sa pananalig sa Diyos at ang kanyang pinakahuling kahahantungan ay may malaking kaugnayan sa pagganap niya ng kanyang tungkulin; masasabi pa nga na may direktang relasyon. Ang paksa sa pagganap ng mga tungkulin ay dapat na isang walang-katapusang paksa, at ang katotohanang kaugnay sa aspektong ito ay dapat rin na isang walang-katapusang paksa. Ito ang katotohanan na dapat na pinakapundamental na nauunawaan ng mga tao, at isang paksa na dapat na patuloy na tinatalakay sa proseso ng buhay paglago ng mga tao at pananalig sa Diyos. Ito ay dahil hindi ito maihihiwalay sa mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao, sa kanilang buhay pagpasok, at sa uri ng landas na kanilang tinatahak at sa anong uri ng kalalabasan ang magkakaroon sila sa huli. Ngayon, malawakan tayong nagbahaginan tungkol sa pagganap ng mga tungkulin at nagbahaginan rin tungkol sa ilang kaso. Ang pangunahing layunin nito ay para maipaunawa sa inyo kung paano gampanan ang inyong mga tungkulin sa paraang sinang-aayunan ng Diyos, kung ano ang mga kahihinatnan kung gumawa kayo ng kasamaan, at ang kahalagahan ng pagganap ng iyong mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan. Ang mga pangyayari sa mga kasong ito ay palala nang palala at naging mas nakatatakot, subalit hindi Ko gawa-gawa ang mga ito. Totoong naganap ang mga ito sa mga nananalig sa Diyos at sa mga nasa hanay ng mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Ano ang ibig sabihin nito? Sinasabi ng ilang tao: “Eh, walang isyu kung hindi namin gagampanan ang aming mga tungkulin, subalit nagkakaroon palagi ng mga problema kapag ginagampanan namin. Kaya tama bang huwag na lang gampanan ang aming mga tungkulin?” Kumusta ang ganitong pag-iisip? Hindi ba’t pagsuko ito sa pagkain dahil sa takot na mabulunan? Hindi ba’t ito ay kahangalan? Dapat mong matutuhang hanapin ang katotohanan para malutas ang mga isyung ito; ito ay isang maagap na saloobin at ang uri ng saloobin na dapat taglayin ng isang normal na tao. Kung natatakot ka na habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin ay maaaring lumitaw ang mga problema na hahantong sa pagkondena, pagpapatalsik, pagtitiwalag, o pagkatanggal, at sa wakas ay ang pagkawala ng anumang pag-asa ng pagkakamit ng kaligtasan, at basta ka na lang hihinto sa pagganap ng iyong mga tungkulin o magkakaroon ng isang negatibo at antagonistikong pagharap sa kanila, anong uri ng saloobin iyan? (Isang masamang saloobin.) Sinasabi ng iba na: “Masyadong mababa ang ating pagkatao para sa pagganap ng mga tungkulin, kaya’t bakit hindi na lang tayo kontentong magtrabaho? Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos para sa mga trabahador, at walang anumang pamantayan o mga prinsipyo—sapat na ang pagsisikap. Gawin kung ano man ang hinihingi, maging masunurin, huwag tumanggap ng anumang mahalagang responsabilidad, at huwag magkaroon ng anumang ambisyon na maging isang lider o manggagawa. Magiging pinakamalaking pagpapala na ang magawang manatili hanggang sa huli.” Kumusta ang mga motibong ito? Hindi ba’t napakababa at ubod ng sama ng mga ito? Maaari bang magkamit ng kaligtasan ang gayong mga tao na walang ambisyon? Maaari bang makapagtrabaho nang sapat ang isang taong walang pagkatao? Ang mga walang pagkatao ay hindi makapagtatrabaho nang sapat; hindi sila magiging mga tapat na trabahador na mananatili.

May kataasan ang bilang ng mga halimbawang nabanggit nitong mga huling ilang pagkakataon sa pagbabahagi. Madaling matandaan ang mga pangyayaring ito, subalit ang mga katotohanang ibinahagi Ko ay mahirap maunawaan. Gayunpaman, may pakinabang rito: Sa pagtalakay sa mga pangyayaring ito, maaari ninyong matandaan o maunawaan ang mga katotohanang pahapyaw na tinalakay ng mga ito. Kung hindi natin pinag-usapan ang tungkol sa mga kasong ito, ang pagsasakatuparan ng ganitong uri ng resulta ay maaaring mangailangan ng mas maraming pagsisikap. Ang pagtalakay sa mga kasong ito ay parehong nagsisilbing isang udyok at isang babala, tinutulungan ang mga tao na mahanap ang tamang landas sa kanilang kalooban. Ginagabayan ka nito sa pag-alam kung aling landas ang tatahakin sa iyong pananampalataya para maiwasang malabag ang mga administratibong atas ng Diyos, makagawa ng malalaking pagkakamali, o maligaw ng landas. Ang pangunahing layunin ay ang matulungan ang mga tao na tuparin ang kanilang mga tungkulin nang sapat. Pagkatapos marinig ang tungkol sa apat na kasong ito, ano ang inyong nararamdaman? Nagkaroon ba kayo ng bagong pang-unawa sa pagtupad ng mga tungkulin nang sapat? Madali ba para sa mga tao na tuparin ang kanilang mga tungkulin nang sapat? (Hindi ito madali.) Saan naroroon ang hirap? Ito ba ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi kayang hanapin ang mga prinsipyo, kaya’t patuloy silang nagkakamali? (Hindi.) Kaya saan naroroon ang hirap? Ito ay naririto: Hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan, o hinahangad ito. Sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan at hindi ito isasagawa, kasama ng kanilang mga malupit, buktot, at mapagmataas na disposisyon, madali itong mauuwi sa mga partikular na kahihinatnan at magdadala ng mga kalalabasang hindi inaasahan o hindi gugustuhing makita ng mga tao. Mayroon bang sinumang nag-asam ng masamang kinalabasan para sa kanilang sarili? (Wala.) Mayroon bang mga umaasa lang para sa isang pangkaraniwang kinalabasan, iniisip na hangga’t nakararaos sila hanggang huli nang hindi namamatay, ayos lang ito? (Oo.) Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sila ang mga tao na hindi naghahangad ng katotohanan; hinihintay lang nila ang oras hanggang kamatayan. Para sa gayong mga tao, ang pagganap nila ng tungkulin ay tiyak na magiging lubos na pabasta-basta, kaya’t madali para sa kanila ang magkamali o magkasala, at napakahirap na gampanan ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan. Anong uri ng mga tao ang makakaganap sa kanilang mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan? (Iyong mga naghahangad ng katotohanan.) Sino pa? (Iyong mga taong may pagkatao.) Ano ang saklaw ng pagkatao? (Konsensiya at katwiran.) Iyong mga may konsensiya at katwiran, na nagtataglay ng pagkatao, ay madaling magagampanan ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa pamantayan kung hahangarin nila ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Palagi Kang nagsasalita tungkol sa mga seryosong negatibong halimbawa na ito ng mga tao na nabibigong tuparin ang kanilang mga tungkulin nang sapat, at nagdudulot ito na mawalan kami ng kumpiyansa. Kailan ba namin maaabot ang pamantayan sa pagtupad sa aming mga tungkulin nang sapat? Mayroon bang anumang positibong halimbawa nito?” Talakayin natin ang isang bagay na mas nakapagpapasigla at positibo. Sa kasalukuyan, maraming tao ang nagsisimulang pagtuunan ang paghahangad ng katotohanan, at nagsisimula rin silang maging mas masigasig kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Halimbawa, may ilang kayang makipagtulungan nang maayos sa iba habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Ano ba ang ibig sabihin ng maayos na pakikipagtulungan? Narito ang isang pagpapamalas nito: Hindi lang ito basta tungkol sa pagiging magkasundo ng lahat sa panlabas, nang walang alitan o intriga. Ang maayos na pakikipagtulungan ay nangangahulugan na kapag nahaharap sa iba’t ibang isyu sa trabaho—may kabatiran ka man o wala sa mga ito at tama man o mali ang iyong perspektiba—kaya mo pa ring makipag-usap at makipagbahaginan sa iba, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at pagkatapos ay marating ang isang kasunduan. Iyan ang maayos na pakikipagtulungan. Ano ang layunin ng pag-abot sa isang kasunduan? Ito ay para sa mas maayos na pagtupad ng mga tungkulin ng isang tao, para mas maayos na magawa ang mga gawain ng iglesia, at para makapagpatotoo sa Diyos. Kung gusto mong umabot ang pagganap ng iyong mga tungkulin sa pamantayan, dapat maisakatuparan mo muna ang maayos na pakikipagtulungan habang ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin. Sa kasalukuyan ay may ilang tao nang nagsasagawa ng maayos na pakikipagtulungan. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, kahit na hindi nila nagagawang ganap na isagawa ang katotohanan, at kahit na may mga kabiguan, kahinaan, at paglihis habang kinahaharap ito, nagsisikap pa rin sila tungo sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, may pag-asa silang maisasakatuparan ang maayos na pakikipagtulungan. Halimbawa, minsan maaaring iniisip mong tama ang iyong ginagawa, subalit may kakayahan kang hindi maging mapagmagaling. Maaari kang makipagtalakayan sa iba at makipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo nang magkakasama hanggang maging malinaw at maliwanag ang mga ito, para nauunawaan ng lahat, at nagkakasundo na maisasakatuparan ng paggawa nito ang pinakamahusay na resulta. Gayundin, na hindi ito tataliwas sa mga prinsipyo, na isinasaalang-alang nito ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, pangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa pinakamataas na antas na posible. Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Bagaman ang huling resulta ay hindi palaging tulad ng iyong inisip, ang landas, direksiyon, at layunin ng iyong pagsasagawa ay tama. Kaya paano ito nakikita ng Diyos? Paano tinutukoy ng Diyos ang bagay na ito? Sasabihin ng Diyos na ang pagtupad mo ng iyong tungkulin ay sapat. Ang pagiging sapat ba ay nangangahulugan na ang iyong tungkulin ay ginampanan nang naaayon sa mga layunin ng Diyos? Hindi, hindi ganoon. Ang pagiging sapat ay napakalayo pa rin sa pagtupad sa mga layunin ng Diyos, sa pagtanggap ng pagpapatibay ng Diyos, at sa pagsasagawa nang lubos na sumusunod sa mga hinihingi ng Diyos. Ang ibig sabihin lang ng pagiging sapat ay nasa tamang landas ka, tama ang iyong mga layunin, at tama ang iyong direksiyon, subalit hindi mo pa naaabot ang mataas na pamantayan ng pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo gaya ng hinihingi ng Diyos. Halimbawa, tungkol sa pagpapasakop, sabihin nating isinasaayos ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng isang bagay habang ginagampanan ang iyong mga tungkulin. Paano ka dapat magsasagawa para maabot mo ang pamantayan sa pagganap ng iyong mga tungkulin? Nang una mong narinig ang tungkol sa gawain, maaaring magkaroon ka ng ilang opinyon. Subalit matapos ang ilang pagsasaalang-alang, iniisip mong, “Sinabi ng Diyos na dapat tayong matutong maghanap at magpasakop sa mga bagay na hindi natin nauunawaan. Kaya, dapat akong maghanap. Kahit na hindi ko nauunawaan ang katotohanan o nalalaman kung paano ako dapat magsagawa, napunta sa akin ang tungkulin, kaya’t dapat akong sumunod at magpasakop. Kahit na ito ay pagsunod lang sa mga regulasyon, dapat ko munang sundin ang mga ito.” Kung makapagsasagawa ka sa ganitong paraan, naaabot mo ang pamantayan. Subalit may puwang ba sa pagitan ng pag-abot sa pamantayang ito at sa pagtanggap sa pagpapatibay ng Diyos? (Oo.) Natutukoy ang puwang na ito ng lawak ng pagkaunawa mo sa katotohanan. Kahit na kaya mong magpasakop, hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi ganap na natukoy ang mga katotohanang prinsipyo o naisasagawa ang mga ito; sumunod ka lang sa mga regulasyon. Sumunod ka sa mga pangunahing bagay na dapat gawin ng isang tao, ayon sa mga pamantayan ng konsensiya at regulasyon, kaya pagdating sa pagpapatupad, walang mga problema, at pagdating sa kalikasan ng iyong mga pagkilos, walang mali. Gayunpaman, hindi nito naaabot ang pamantayan sa pagsasagawa ng katotohanan; hindi mo pa rin nauunawaan ang mga layunin ng Diyos. Pasibo at repleksibo mo lang na tinupad ang iyong mga tungkulin; hindi mo tinupad ang mga ito nang maayos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi mo naabot ang isang antas kung saan kaya mong makapagpatotoo sa Diyos o matupad ang mga layunin ng Diyos. Hindi mo naabot ang pamantayan sa pagpapatotoo. Samakatuwid, ang pagtupad ng iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay matatawag lang na sapat, at hindi pa natutugunan ang pagsang-ayon ng Diyos.

Ano ang pamantayan sa pagtukoy kung natutupad ng isang tao ang kanyang tungkulin nang sapat? Kung tama ang landas sa pagtupad ng tungkulin ng isang tao, tama ang direksyon, at tama ang layunin; kung ang pinagmulan ay tama at ang mga prinsipyo ay tama—kung ang mga aspektong ito ay tama, ang tungkuling ginampanan ng isang tao ay sapat. Maraming tao ang nakakaunawa nito sa teorya, pero nalilito kapag aktuwal nang may nangyayari sa kanila. Para ibuod ito, sasabihin Ko sa inyo ang isang prinsipyo: Huwag kumilos nang padalos-dalos at nag-iisa kapag humaharap sa mga sitwasyon. Bakit hindi ka dapat kumilos nang padalos-dalos at nag-iisa? Una na riyan, ang pagkilos sa gayong paraan ay hindi naaayon sa mga prinsipyo ng pagganap ng tungkulin. Isa pa, ang tungkulin ay hindi mo sariling pribadong usapin; hindi mo ito ginagawa para sa iyong sarili, hindi ka gumagawa ng iyong sariling pamamahala, hindi mo ito sariling personal na negosyo. Sa sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang ginagawa mo, hindi mo ginagawa ang personal mong gawain; ito ay ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ito ay ang gawain ng Diyos. Dapat palagi mong ilagay sa isipan ang kaalaman at kamalayang ito at sabihin, “Hindi ko ito personal na gawain; ginagawa ko ang tungkulin ko at tinutupad ang responsabilidad ko. Ginagawa ko ang gawain ng iglesia. Ito ay isang atas na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos at ginagawa ko ito para sa Kanya. Tungkulin ko ito, hindi ko ito personal na pribadong gawain.” Ito ang unang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kung itinuturing mo ang isang tungkulin bilang sarili mong personal na gawain, at hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag kumikilos ka, at ginagawa mo ito alinsunod sa mga sarili mong motibo, pananaw, at plano, malamang na makagagawa ka ng mga pagkakamali. Kaya paano ka dapat kumilos kung nagagawa mong malinaw na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tungkulin mo at ng sarili mong personal na gawain, at alam mo na ito ay isang tungkulin? (Hanapin mo ang hinihingi ng Diyos, at hanapin ang mga prinsipyo.) Tama iyan. Kapag may nangyari sa iyo at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at mayroon kang kaunting ideya ngunit hindi pa rin malinaw ang mga bagay-bagay sa iyo, dapat kang maghanap ng mga kapatid na nakauunawa sa katotohanan upang makipagbahaginan ka sa kanila; ito ang paghahanap sa katotohanan, at bago ang lahat, ito ang saloobin na dapat mong taglayin sa tungkulin mo. Hindi mo dapat pagpasyahan ang mga bagay-bagay batay sa kung ano ang sa palagay mo ay angkop, at pagkatapos ay gagawa ka na ng paghatol at sasabihin mong nalutas na ang usapin—madali itong hahantong sa mga problema. Ang tungkulin ay hindi mo sariling personal na usapin; malaki man o maliit, ang mga bagay-bagay sa sambahayan ng Diyos ay hindi personal na usapin ninuman. Hangga’t may kinalaman ito sa tungkulin, hindi mo ito pribadong usapin, hindi mo ito personal na usapin—may kinalaman ito sa katotohanan, at may kinalaman ito sa prinsipyo. Kaya ano ang unang bagay na dapat mong gawin? Dapat mong hanapin ang katotohanan, at hanapin ang mga prinsipyo. At kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat mo munang hanapin ang mga prinsipyo; kung nauunawaan mo na ang katotohanan, magiging madali nang tukuyin ang mga prinsipyo. Ano ang dapat mong gawin kung hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo? May isang paraan: Puwede kang makipagbahaginan sa mga nakakaunawa. Huwag mong palaging ipagpalagay na nauunawaan mo ang lahat at palagi kang tama; madaling paraan ito para magkamali. Anong uri ito ng disposisyon kapag gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita? Ito ay pagmamataas at pagmamagaling, pagkilos ito nang padalos-dalos at nag-iisa. Iniisip ng ilang tao, “Nakapag-kolehiyo ako, mas may kalinangan ako kaysa sa inyo, mayroon akong kakayahang makaarok, lahat kayo ay may mababang tayog, at hindi nakakaunawa sa katotohanan, kaya dapat ninyong pakinggan ang anumang sinasabi ko. Ako lang mag-isa ang puwedeng gumawa ng mga desisyon!” Ano ang masasabi mo sa pananaw na ito? Kung may ganitong uri ka ng pananaw, magkakaproblema ka; hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin. Paano mo magagampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin kung gusto mong palaging nasa iyo ang huling salita, nang walang maayos na pakikipagtulungan? Ang pagganap ng iyong mga tungkulin sa ganitong paraan ay tiyak na hindi makakatugon sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Palagi mong gustong hadlangan ang iba at pilitin silang makinig sa iyo; hindi mo tinatanggap ang anumang sinasabi ng iba. Ito ay pagkakaroon ng pagkiling at pagiging matigas ng ulo, ito rin ay pagmamataas at pagmamagaling. Sa ganitong paraan, hindi ka lang mabibigong gampanan nang maayos ang iyong mga tungkulin, mahahadlangan mo pa ang iba sa pagganap nang maayos ng kanilang mga tungkulin. Ito ang kahihinatnan ng isang mapagmataas na disposisyon. Bakit hinihingi ng Diyos ang maayos na pakikipagtulungan sa mga tao? Sa isang banda, kapaki-pakinabang ito sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao, na nagpapahintulot sa kanilang makilala ang kanilang sarili at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon—makakatulong ito sa kanilang buhay pagpasok. Sa isa pang banda, ang maayos na pakikipagtulungan ay kapaki-pakinabang din para sa gawain ng iglesia. Dahil ang lahat ay walang pagkaunawa sa katotohanan at may mga tiwaling disposisyon, kung walang maayos na pakikipagtulungan, hindi nila makakayang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na makakaapekto sa gawain ng iglesia. Malubha ang magiging kahihinatnan nito. Sa kabuuan, para maisakatuparan ang sapat na pagtupad ng tungkulin, dapat matutunan ng isang taong makipagtulungan nang maayos at, kapag nahaharap sa mga sitwasyon, ay makipagbahaginan ng katotohanan para mahanap ang mga solusyon. Mahalaga ito—makakatulong ito hindi lang sa gawain ng iglesia kundi maging sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos. May ilang taong hindi lang talaga ito maunawaan; palagi nilang iniisip na ang maayos na pakikipagtulungan ay masyadong abala, at na minsan, ang pagbabahaginan ng katotohanan ay hindi madaling nagbubunga ng mga resulta. Pagkatapos ay nag-aalinlangan ang mga taong ito, nagsasabi, “Kailangan ba talagang maayos na makipagtulungan para maisakatuparan ang sapat na pagtupad ng tungkulin? Kapag nahaharap sa ilang sitwasyon, ang pagbabahaginan ba nang magkakasama ay talagang magdudulot ng mga resulta? Sa tingin ko ay pagraraos lang ang lahat ng ito, walang katuturan ang pagsunod sa mga regulasyong ito.” Tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Anong problema ang inilalantad nito? (Problematiko ang kanilang saloobin sa pagtupad ng tungkulin.) May ilang tao na may mapagmataas at nagmamagaling na disposisyon; hindi nila gustong makipagbahaginan ng katotohanan at palaging gusto na nasa kanila ang huling salita. Kaya bang maayos na makipagtulungan sa iba ang isang taong labis na mapagmataas at mapagmagaling? Hinihingi ng Diyos sa mga tao na maayos na makipagtulungan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin para malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, para matulungan silang matutunan ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos sa pagganap nila ng kanilang mga tungkulin, at iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, sa gayon ay maisasakatuparan nila ang sapat na pagganap ng tungkulin. Tumatangging makipagtulungan sa iba at ginugustong kumilos nang padalos-dalos at nag-iisa, pinipilit ang lahat na makinig sa iyo—ito ba ang saloobing dapat na mayroon ka sa iyong tungkulin? Ang iyong saloobin sa pagganap ng iyong tungkulin ay may kinalaman sa iyong buhay pagpasok. Walang pakialam ang Diyos sa kung ano ang nangyayari sa iyo sa bawat araw, o kung gaano karaming trabaho ang ginagawa mo, kung gaano ka nagsisikap dito—ang tinitingnan Niya ay kung ano ang saloobin mo patungkol sa mga bagay na ito. At sa ano nauugnay ang saloobin kapag ginagawa mo ang mga bagay na ito, at ang paraan kung paano mo ginagawa ang mga ito? May kaugnayan ito sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan o hindi, at gayundin sa iyong buhay pagpasok. Tinitingnan ng Diyos ang iyong buhay pagpasok, at ang landas na tinatahak mo. Kung tumatahak ka sa landas ng paghahangad ng katotohanan, at mayroon kang buhay pagpasok, magagawa mong makipagtulungan nang maayos sa iba kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin, at madali mong magagampanan ang iyong mga tungkulin sa paraang nasasapat. Subalit kung lagi mong ipinagdiriinan na mayroon kang kapital habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, na nauunawaan mo ang linya ng gawain mo, na mayroon kang karanasan, at may pagsasaalang-alang ka sa mga layunin ng Diyos, at hinahanap ang katotohanan nang higit kaysa sa iba, at kung iniisip mo na dahil sa mga bagay na ito, kuwalipikado ka nang magkaroon ng huling salita, at hindi mo tinatalakay ang anumang bagay sa iba, at laging ikaw ang nasusunod sa sarili mo, at lumalahok ka sa sarili mong pamamahala, at laging gustong “ikaw lang ang bida,” tinatahak mo ba ang landas ng buhay pagpasok? Hindi—paghahangad ito ng katayuan, pagtahak ito sa landas ni Pablo, hindi ito ang landas ng buhay pagpasok. Ang paraan kung paano pinatatahak ng Diyos sa mga tao ang landas ng buhay pagpasok at ang landas ng paghahangad sa katotohanan ay hindi kinapapalooban ng gayong mga asal o nagpapakita ng ganitong mga pagpapamalas. Ano ang pamantayan para sa sapat na pagtupad ng tungkulin? (Paghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay, ang pagkakaroon ng kakayahang kumilos nang naaayon sa mga prinsipyo.) Tama iyan. Upang matupad nang sapat ang iyong tungkulin, hindi mahalaga kung ilang taon ka nang naniniwala sa Diyos, kung gaano karaming tungkulin na ang nagampanan mo, o kung gaano man karaming ambag na ang naibigay mo sa sambahayan ng Diyos, lalo nang hindi mahalaga kung gaano na ang karanasan mo sa iyong tungkulin. Ang landas na tinatahak ng isang tao ang pangunahing bagay na tinitingnan ng Diyos. Sa madaling salita, tinitingnan Niya ang saloobin ng isang tao tungo sa katotohanan at sa mga prinsipyo, direksyon, pinagmulan at ang simula ng mga pagkilos ng isang tao. Nakatuon sa mga bagay na ito ang Diyos; ang mga ito ang tumutukoy sa landas na iyong tinatahak. Kung, sa proseso ng pagganap ng iyong tungkulin, hindi man lang makikita sa iyo ang mga positibong bagay na ito, at ang sarili mong mga kaisipan, mithiin, at pakana; ang mga prinsipyo, daan, at batayan ng iyong pagkilos, ang pinagsimulan mo ay ang pagprotekta sa sarili mong mga interes at pag-alaga sa iyong reputasyon at katayuan, ang iyong pamamaraan ng paggawa ay ang gumawa ng mga pagpapasya at kumilos nang mag-isa at ang gumawa ng pangwakas na desisyon, na hindi kailanman nakikipagtalakayan sa mga bagay-bagay kasama ng iba o nakikipagtulungan nang nagkakasundo, at hindi kailanman nakikinig sa payo kapag nagkakamali ka, lalo nang hindi naghahanap ng katotohanan, kung gayon ay paano ka makikita ng Diyos? Hindi ka pa umaabot sa pamantayan kung ganyan mo ginagawa ang iyong tungkulin, at hindi ka pa nakatapak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, dahil, habang ginagawa mo ang iyong gawain, hindi mo hinahanap ang katotohanang prinsipyo at palagi kang kumikilos kung paano mo gusto, ginagawa ang anumang nais mo. Ito ang dahilan kung bakit hindi ginagampanan nang sapat ng karamihan sa mga tao ang kanilang mga tungkulin. Kaya, paano dapat resolbahin ang problemang ito? Masasabi ba ninyo na mahirap tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, hindi; kailangan lamang magawa ng mga tao na magpakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at tumanggap ng angkop na posisyon. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o anuman ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong katayuan at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang bumaba sa mataas na kinalalagyan mo—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, “Napakatalino ko, napakatalas ng isip ko, mabilis akong kumilos, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya karapat-dapat akong gumawa ng huling desisyon,” kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problema ito. Kung puno ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang iwanan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin ay maging katanggap-tanggap, sapagkat ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng buhay pagpasok. Ano ang ibig sabihin dito ng “unang hakbang”? Ang ibig sabihin nito ay magsimula ng isang paglalakbay. Sa lahat ng bagay, may isang bagay na magagamit para masimulan ang paglalakbay, isang bagay na pinakapangunahin, pinakamahalaga, at ang pagkakamit ng katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay isang landas ng buhay pagpasok. Kung ang iyong pagsasagawa ng tungkulin ay tila naaangkop lamang sa kung paano iyon ginagawa, ngunit hindi nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mo katanggap-tanggap na ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung gayon, paano ito dapat gawin ng isang tao? Kailangang sikaping matamo at hanapin ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo; ang masangkapan ng mga katotohanang prinsipyo ang mahalaga. Kung pagagandahin mo lamang ang iyong pag-uugali at pipigilan mo ang init ng iyong ulo, ngunit hindi ka nasasangkapan ng mga katotohanang prinsipyo, walang silbi iyan. Maaaring mayroon kang isang kaloob o espesyalidad. Magandang bagay iyan—ngunit magagamit mo lang ito nang wasto kung gagamitin mo ito sa pagsasagawa ng iyong tungkulin. Ang maayos na pagsasagawa ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o talento. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay na nauunawaan mo ang katotohanan at natututo kang magpasakop sa Diyos. Hindi maiiwasan na magbubunyag ka ng tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Gawin mo ito, at hindi magiging problema para sa iyo ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Saanmang mundo ang iyong kaloob o kadalubhasaan, o saan ka man puwedeng mayroong anumang bokasyonal na karunungan, ang paggamit sa mga bagay na ito sa pagganap ng iyong tungkulin ay ang pinakanararapat—ito ang tanging paraan para gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ang isang estratehiya ay umasa sa konsensiya at katwiran para gampanan ang iyong tungkulin, ang isa pa ay na dapat mong hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong tiwaling disposisyon. Nagkakamit ang isang tao ng buhay pagpasok sa pamamagitan ng pagganap ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nakakaya niyang tuparin ang kanyang tungkulin nang sapat.

Tulad nang makikita ngayon, ang sapat na pagtupad ng tungkulin ay hindi maihihiwalay mula sa paghahanap ng katotohanan at pagkilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi kaya ng isang taong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema at abutin ang antas ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo, hindi nila maisasakatuparan ang sapat na pagtupad ng mga tungkulin. Ang depinisyon ng sapat na pagtupad ng tungkulin ay tulad nang ipinaliwanag. Mataas ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? Sa totoo lang, hindi mataas ang mga ito. Hinihingi Niya lang sa iyo na magkaroon ng tamang saloobin, layunin, at pananaw sa iyong mga pagkilos. Batay rito, makakamit mo ang gawain ng Banal na Espiritu at mapapalalim ang iyong kaalaman sa iyong sarili. Magagawa mong sumailalim sa mga pagsubok at pagpipino, na nagbibigay sa iyo ng kakayahang pumasok sa mas malalalim na katotohanan at sumailalim sa mga pagbabago sa disposisyon. Bago ka sumailalim sa mga pagsubok at pagpipino, bibigyan ka ng Diyos, batay sa iyong pagkaunawa ng katotohanan, ng ilang paghatol at pagkastigo. Pero ano ang pundasyon para sa paghatol at pagkastigo, gayundin sa mga pagsubok at pagpipino? Ito ay kung naabot mo na ang antas ng pagtupad ng iyong tungkulin nang sapat—sa madaling salita, kung nakamit mo na ang buhay pagpasok. Ang iyong buhay pagpasok ay hindi nakahiwalay sa iyong gawain at mga responsabilidad sa iglesia. Kung ginugugol mo ang iyong buong araw sa bahay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa walang katuturang pagsasalita ng tungkol sa pagganap ng iyong tungkulin at buhay pagpasok, hindi ito makatotohanan at wala itong saysay. Para itong pagpaplanong militar na hindi sumasabak sa digmaan; buong araw kang nagsasalita ng tungkol sa sapat na pagtupad ng iyong tungkulin, tungkol sa pagtanggap ng atas ng Diyos, subalit wala kang anumang dedikasyon o paggugol, at tiyak na walang pagdurusa o pagdanas ng mga paghihirap. Kahit na minsan ay naluluha ka sa pag-awit ng mga himno o pagbabasa ng mga salita ng Diyos, hindi ito magdudulot ng anumang epekto. Mula sa perspektibang ito, may relasyon ba sa pagitan ng pag-abot sa antas ng sapat na pagganap ng iyong tungkulin at ng pagkakamit ng kaligtasan? O, may kaugnayan ba ito sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo ng Diyos? Magkaugnay ang mga ito. Para matanggap ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat maisakatuparan ng isang tao ang sapat na pagganap ng kanyang mga tungkulin. Bakit nagtatakda ang Diyos ng gayong pamantayan, hinihingi sa mga taong magsakatuparan ng sapat na pagganap ng kanilang mga tungkulin? Ito ay dahil ginagamit ng Diyos ang pagganap mo ng iyong tungkulin para sukatin ang antas ng iyong buhay pagpasok. Kung naisakatuparan mo na ang sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin, ibig sabihin nito ay nakamit na ng iyong buhay pagpasok ang pamantayang nagkakwalipika sa iyong tumanggap ng hatol at pagkastigo, na ibig sabihin rin ay kwalipikado kang tumanggap ng pagpeperpekto ng Diyos sa iyo. Kaya anong mga kondisyon ang inilatag ng Diyos sa tao para makamit ito? Ang pagganap mo ng iyong tungkulin ay dapat na makita bilang sapat sa paningin ng Diyos, ibig sabihin, sa ibang salita, na may pundamental na landas at direksyon sa iyong buhay pagpasok na kinikilala at itinuturing na kwalipikado ng Diyos. Paano ito sinusubok ng Diyos? Pangunahin ay sa pamamagitan ng pagganap ng iyong tungkulin. Kapag natamo mo na ang pagpapatibay ng Diyos sa pamamagitan ng sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin, nagsisimula agad ang susunod na hakbang: Sisimulan ng Diyos na isailalim ka sa paghatol at pagkastigo. Anumang pagkakamali ang iyong ginagawa, didisiplinahin ka; ito ay parang nagsimula na ang Diyos na masusi kang matyagan. Mabuting bagay ito—ibig sabihin nito ay napatunayan ka na ng Diyos, wala ka na sa panganib, at ikaw ay ang tamang uri ng tao na tiyak na hindi gagawa ng sobrang kasamaan. Sa isang banda, poprotektahan ka ng Diyos; sa isa pa, sa subhetibong pananalita, ang landas na iyong kinaroroonan, ang iyong mga layunin sa buhay at direksiyon, ay nakaugat sa tunay na daan. Hindi mo iiwan ang Diyos, ni hindi ka lilihis. Sumunod, siguradong peperpektuhin ka ng Diyos; ito ay pagpapala sa iyo. Kaya, kung gusto ng isang taong tanggapin ang pagpapalang ito at tahakin ang landas ng pagpeperpekto, ang unang hinihingi ay ang maisakatuparan ang sapat na pagganap ng mga tungkulin niya. Inoobserbahan ng Diyos ang iyong iba’t ibang pagganap sa sambahayan ng Diyos, gayundin ang mga gawain, atas, at misyong ibinibigay Niya sa iyo, para maunawaan ang iyong mga saloobin sa Diyos at sa katotohanan. Sa pamamagitan ng mga saloobing ito, eksaktong tinatasa ng Diyos kung aling landas ang iyong tinatahak. Kung ikaw ay nasa landas ng paghahangad ng katotohanan, maaabot ng pagganap mo ng iyong mga tungkulin ang pamantayan, at ikaw ay tiyak na magkakaroon ng buhay pagpasok at magkakaibang antas ng pagbabagong disposisyonal. Makakamit ang lahat ng ito sa proseso ng pagganap ng iyong mga tungkulin. Bago ka pormal na perpektuhin ng Diyos, ito ang pinakamalayo mong maaabot sa pagsandig sa pagsisikap ng tao. Kapag wala ang gawain ng Diyos, hanggang dito lang ang maaabot mong antas; magiging mahirap ang patuloy pang pagsisikap. Puwede ka lang sumandig sa iyong sarili para makamit kung ano ang iyong makakaya at nasa kakayahan ng tao, tulad ng pagpipigil sa iyong sarili gamit ang lakas ng loob, pagtitiis ng paghihirap, pagbabayad ng mga halaga, pagtalikod, pagpupungos ng mga damdamin, pag-abandona sa mundo, pagkilala sa masasamang kalakaran, pagrerebelde laban sa laman, tapat na pagganap ng tungkulin, pagkilatis, at hindi pagsunod sa tao. Kapag nakamit mo ang lahat ng ito, magiging kwalipikado kang perpektuhin ng Diyos. Hindi karaniwang nangingialam ang Diyos sa kung ano ang kayang maisakatuparan ng mga tao. Patuloy ka Niyang binibigyan ng katotohanan, patuloy kang dinidiligan, sinusuportahan ka para maunawaan ang katotohanan, sinasabihan ka kung paano arukin ang katotohanan sa iba’t ibang aspekto, at kung paano makapasok sa mga katotohanang realidad. Pagkatapos mong maunawaan at mapasok ang mga ito, bibigyan ka ng Diyos ng isang sertipiko ng kwalipikasyon, at ang iyong tsansang maligtas ay magiging 80 porsyento. Gayunpaman, bago maabot ang 80 porsyento, kailangan mong ipuhunan ang lahat ng iyong lakas at pagsisikap; hindi mo puwedeng ipamuhay ang buhay na ito nang walang kabuluhan. May ilang taong nagsasabi: “Dalawampung taon na akong nananalig sa Diyos ngayon; naipuhunan ko na ba ang lahat ng aking lakas?” Hindi ito nasusukat sa dami ng taon. Sinasabi ng ilan, “Limang taon na akong nananalig sa Diyos ngayon, at nagawa ko nang maunawaan ang ilang katotohanan. Alam ko kung paano gawin ang aking tungkulin nang sapat at nagsisikap ako sa direksyong ito; alam ko na ngayon ang ilang paraan at parang nakakaramdam ako ng medyo mapayapa at maginhawa sa aking puso.” Halos tumpak ang damdaming ito, pero ibig sabihin ba nito na may 80 porsyentong tsansa ka nang maligtas? Hindi; gaano na nga ba talaga ang iyong naabot? Sa pagitan ng 10 at 15 porsyento. Dahil sa proseso ng sapat na pagtupad mo ng iyong tungkulin, dapat mo pa ring maranasang mapungusan nang maraming beses; dapat mong maranasan ang maraming pangyayari. Sa mga pangyayaring ito, sa positibong banda, papagyamanin ng Diyos ang iyong karanasan nang mas marami-rami. Sa proseso ng paglalantad sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito—ibig sabihin, sa mga praktikal na pangyayaring ito—hinahayaan ka ng Diyos na maunawaan ang ilang katotohanan. Bakit ka hinahayaan ng Diyos na maunawan ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito? Kung hindi ka sasailalim sa mga karanasang ito, ang iyong pagkaunawa sa katotohanan ay panghabang-buhay na mananatili sa antas ng mga salita, doktrina, at islogan. Kapag naranasan mo na ang iba’t ibang pangyayari sa buhay, ang mga doktrinang dati mo nang naunawaan o nagawang arukin at tandaan ay magiging isang uri ng realidad. Ang realidad na ito ay ang praktikal na bahagi ng katotohanan, at ito ang dapat mong maunawaan at mapasok.

Ano ang posibilidad na ang isang tao ay maliligtas nang hindi pa niya naaabot ang pamantayan sa sapat na pagganap ng kanyang mga tungkulin? Sa sukdulan, ito ay nasa pagitan ng 10 at 15 porsyento, dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan at tiyak na walang kakayahan para sa tunay na pagpapasakop. Kaya ba ng isang taong hindi nakakaunawa sa katotohanan na kumilos ayon sa mga prinsipyo? Kaya ba niyang tanggapin ang kanyang tungkulin nang seryoso at responsable? Siguradong hindi. Ang mga hindi nakakaunawa sa katotohanan ay siguradong kumikilos lahat ayon sa kanilang kalooban, gumagawa sa pabasta-bastang paraan, naghahalo ng maraming makasariling motibo, at kumikilos batay sa mga sarili nilang kagustuhan. Kahit kaya mong magsalita ng maraming doktrina, at kayang bumigkas ng mga teorya at islogan, hindi ibig sabihin nito na mayroon kang katotohanang realidad, kaya ang mga tsansa mong maligtas ay hindi mataas. Para makamit ang tunay na kaligtasan, at para makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas at mabuhay sa salita ng Diyos, ang susunod na hakbang ay ang magsikap sa iba’t ibang katotohanan. Ano ang layunin ng pagsisikap na ito? Ito ay para mas tumpak at matatag na makapasok sa katotohanang realidad. Tanging kapag nakapasok ka sa katotohanan na matatahak mo ang tamang landas para sa iyong buhay. Kung alam mo lang kung paano bumigkas ng mga doktrina at islogan, pero hindi naaarok ang mga katotohanang prinsipyo ng pagganap ng iyong tungkulin, at kaya pa ngang kumilos nang walang ingat batay sa mga sarili mong kapritso, wala kang katotohanang realidad; at malayong-malayo ka pa rin. Pagkatapos maranasan ng sinuman ang maraming bagay sa pagganap ng kanyang mga tungkulin at mapagtantong hindi niya nauunawaan ang katotohanan, gayundin kung gaano kalaki ang kanyang pagkukulang, nagsisimula siyang magsikap para sa katotohanan. Unti-unti, nagbabago siya mula sa pagbigkas ng mga doktrina at islogan tungo sa pagkakaroon ng isang tunay na pagkaunawa, tungo sa tamang pagsasagawa ng katotohanan, at tungo sa tunay na pagpapasakop sa Diyos. Sa paraang ito, lumalaki ang kanyang pag-asang maligtas, at tumataas ang tsansa. Saan batay ang pagtaas na ito? (Batay ito sa antas ng kanyang pagkaunawa sa katotohanan.) Hindi pinakamahalagang salik ang antas ng pagkaunawa ng isang tao sa katotohanan; ang pinakamahalaga ay ang pagsasagawa at pagpasok sa realidad ng katotohanan. Tanging sa pagsasagawa ng katotohanan mo ito mauunawaan; hindi mo kailanman mauunawaan ang katotohanan kung hindi mo ito isinasagawa. Ang bastang pagkaunawa ng mga salita at doktrina ay hindi katulad sa pagkaunawa ng katotohanan. Habang mas isinasagawa mo ang katotohanan, magkakaroon ka ng mas maraming realidad, mas nagbabago ka, at mas mabuti mong mauunawaan ang katotohanan. Kaya, ang iyong pag-asang maligtas ay tataas din. Sa proseso ng pagganap mo ng iyong mga tungkulin, sa positibong banda, kung kaya mong tratuhin ang iyong mga tungkulin nang tama, hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito anumang pangyayari ang iyong hinaharap, at kahit pa nawalan ng pananalig ang iba at tumigil na gampanan ang kanilang mga tungkulin, patuloy mong pinaninindigan ang sa iyo at hindi kailanman tinatalikuran ang mga ito mula simula hanggang sa huli, nananatiling matatag at tapat sa iyong mga tungkulin hanggang sa huli, tunay mong tinatrato ang iyong mga tungkulin bilang mga tungkulin at nagpapakita ng kumpletong katapatan. Kung kaya mong tugunan ang pamantayang ito, talagang naabot mo na ang pamantayan sa sapat na pagganap ng iyong mga tungkulin; ito ay sa positibong banda. Gayunpaman, bago maabot ang pamantayang ito, sa negatibong banda, dapat ay magagawa ng isang taong labanan ang iba’t ibang tukso. Anong uri ito ng problema kapag hindi kaya ng isang taong labanan ang mga tukso sa proseso ng pagtupad ng kanyang tungkulin, kaya tinatalikuran niya ang kanyang tungkulin at tumatakas, ipinagkakanulo ang kanyang tungkulin? Katumbas iyon ng pagkakanulo sa Diyos. Ang pagkakanulo sa atas ng Diyos ay pagkakanulo sa Diyos. Maliligtas pa rin ba ang isang taong nagkakanulo sa Diyos? Tapos na ang taong ito; lahat ng pag-asa ay nawala na, at ang mga tungkuling dati niyang ginampanan ay pawang pagtatrabaho lamang, na nauwi sa wala dahil sa kanyang pagkakanulo. Kaya, mahalagang mahigpit na panghawakan ang tungkulin ng isang tao; sa paggawa nito, may pag-asa. Sa pamamagitan ng tapat na pagtupad ng tungkulin ng isang tao, puwede siyang maligtas at makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ano para sa lahat ang pinakamahirap na bahagi ng paninindigan sa kanilang tungkulin? Ito ay kung kaya nilang maging matatag kapag nahaharap sa mga tukso. Ano ang kabilang sa mga tuksong ito? Salapi, katayuan, mga matalik na relasyon, mga damdamin. Ano pa? Kung may dalang panganib ang ilang tungkulin, maging mga panganib sa buhay ng isang tao, at ang pagganap sa gayong mga tungkulin ay maaaring magresulta sa pagka-aresto at pagkakakulong o maging pag-uusig hanggang sa kamatayan, kaya mo pa rin bang gampanan ang iyong tungkulin? Kaya mo pa rin bang magtiyaga? Ang kadaliang mapagtagumpayan ang mga tuksong ito ay nakabatay sa kung naghahangad ang isang tao ng katotohanan. Batay ito sa kakayahan ng isang tao na unti-unting kilatisin at kilalanin ang mga tuksong ito habang hinahangad ang katotohanan, para makilala ang diwa ng mga ito at ang mga satanikong panlilinlang sa likod ng mga ito. Hinihingi din nitong kilalanin ang mga sariling tiwaling disposisyon, sariling kalikasang diwa, at sariling kahinaan ng isang tao. Dapat ay patuloy ding hinihingi ng tao sa Diyos na protektahan siya para mapaglabanan niya ang mga tuksong ito. Kung kaya ng isang tao na paglabanan ang mga ito, at manindigan sa kanyang tungkulin nang walang pagkakanulo o pagtakas sa anumang pangyayari, ang posibilidad na maligtas ay umaabot sa 50 porsyento. Madali bang makamit ang 50 porsyento na ito? Ang bawat hakbang ay isang hamon, na puno ng panganib; hindi ito madaling makamit! May mga tao bang sobrang nahihirapan sa paghahangad ng katotohanan na nararamdaman nilang masyado itong nakapapagod at mas gugustuhin pang mamatay? Anong uri ng mga tao ang nakakaramdam nang ganito? Ganito ang pakiramdam ng mga hindi mananampalataya. Para lang manatiling buhay, kaya ng mga taong mag-isip nang matindi, magtiis ng anumang paghihirap, at mahigpit pa ring kumapit sa buhay sa mga sakuna, hindi sumusuko hanggang sa kanilang huling hininga—kung nanalig sila sa Diyos at naghangad ng katotohanan nang may ganitong uri ng sigla, tiyak na makakamit nila ang mga resulta. Kung hindi minamahal ng mga tao ang katotohanan at hindi handang magsikap para rito, mga wala silang kwenta! Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na kayang makamit sa pamamagitan lang ng pagsisikap ng tao; kinakailangan nito ang pagsisikap ng tao kasama ng gawain ng Banal na Espiritu. Nangangailangan ito ng pamamatnugot ng Diyos ng iba’t ibang kapaligiran upang subukin at pinuhin ang mga tao, at ng Banal na Espiritu na kumikilos para bigyang-liwanag, tanglawan, at gabayan sila. Ang paghihirap na dinaranas ng isang tao para makamit ang katotohanan ay ganap na kinakailangan. Katulad ito ng mga umaakyat ng bundok na isinusugal ang kanilang buhay para maabot ang tuktok, hindi sila natatakot maghirap sa kanilang layuning hamunin ang kanilang mga limitasyon, maging sa punto ng pagsusugal sa kanilang buhay. Mas mahirap ba ang pananalig sa Diyos at pagkamit ng katotohanan kaysa sa pag-akyat sa isang bundok? Anong uri ng mga tao ang nagnanasa ng mga pagpapala pero hindi handang maghirap? Mga wala silang kwenta. Hindi mo puwedeng hangarin at kamtin ang katotohanan nang walang lakas ng loob; hindi mo ito magagawa nang walang kakayahang magdusa. Kailangan mong magbayad ng halaga para makamit ito.

Nauunawaan na ng mga tao ang depinisyon ng kasapatan, ang pamantayan para sa kasapatan, ang dahilan kung bakit itinakda ng Diyos ang pamantayang ito para sa kasapatan, ang relasyon sa pagitan ng pagganap ng isang tao sa tungkulin nang sapat at ang buhay pagpasok, at ang iba pang gayong salik na kaugnay sa katotohanan ng sapat na pagganap ng tungkulin. Kung makararating sila sa kung saan kaya nilang panindigan ang kanilang tungkulin anumang oras o lugar, nang hindi ito sinusukuan, at kayang labanan ang lahat ng paraan ng tukso, at pagkatapos ay maarok at makamit ang karunungan at pagpasok sa iba’t ibang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang sitwasyong inilalatag Niya para sa kanila, sa paningin ng Diyos, nakamit na talaga nila ang pagiging sapat. May tatlong pundamental na sangkap sa pagkakamit ng kasapatan sa pagganap ng tungkulin ng isang tao: Una, ang pagkakaroon ng tamang saloobin sa kanilang tungkulin, at ang hindi pagtalikod sa kanilang tungkulin anumang oras; pangalawa, ang kakayahang labanan ang lahat ng uri ng tukso habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at hindi nagkakamali; pangatlo, ang kakayahang maunawaan ang bawat aspekto ng katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, at pumapasok sa realidad. Kapag natupad ng mga tao ang tatlong bagay na ito at naabot ang pamantayan, ang unang paunang kondisyon para sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo at pagpeperpekto—ang pagganap ng isang tao ng tungkulin nang sapat—ay nakompleto.

Tungkol sa sapat na pagganap ng tungkulin, ang ilang nilalamang kaugnay ng terminong “sapat” ay tinalakay na dati. Paano karaniwang tinukoy ang “sapat” sa mga nakaraang talakayan? (Bilang pagkilos nang naaayon sa mga prinsipyo.) Ang “sapat” na tinalakay ngayon ay nakaabot sa mga layunin ng Diyos at sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa tao. Bakit hinihingi ng Diyos na gampanan ng mga tao ang kanilang tungkulin sa isang sapat na pamantayan? Nauugnay ito sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao at sa Kanyang mga pamantayan para sa pagliligtas at pagpeperpekto sa mga tao. Kung hindi mo makakamit ang kasapatan sa pagganap ng iyong tungkulin, hindi ka peperpektuhin ng Diyos; ito ang pinakamahalagang kondisyon ng Diyos para perpektuhin ang mga tao. Samakatuwid, kung peperpektuhin ng Diyos ang isang tao ay mahalagang nakadepende sa kung ang pagganap niya ng kanyang tungkulin ay sapat. Kung ang pagganap mo ng iyong tungkulin ay hindi sapat, walang kinalaman sa iyo ang gawain ng Diyos na pagpeperpekto ng mga tao. Ngayon, may ilang tao na nasa tamang landas ng pagganap ng kanilang tungkulin, at tama rin ang kanilang direksiyon, pero hindi pa rin sila maituturing na gumaganap ng kanilang tungkulin nang sapat. Bakit? Dahil masyadong kaunti ang nauunawaan ng mga tao sa katotohanan. Ito ay tulad ng ilang batang gustong magbahagi ng ilang responsabilidad sa bahay sa kanilang mga magulang, subalit maaaring wala silang tayog para gawin ito. Sa anong punto sila magkakaroon ng tayog para tunay na magbahagi ng ilang responsabilidad sa bahay? Ito ay kapag kaya nilang gumawa ng ilang bagay nang hindi pinag-aalala ang mga nakatatanda; pagkatapos makababahagi sila sa mga tungkulin sa bahay—iyon ang panahong maaari nila itong gawin. Bagaman nakagagawa ka ng ilang bagay ngayon, nananatili ka pa rin sa yugto ng pagsisikap at pagtatrabaho dahil ang katotohanang nauunawaan mo ay masyadong mababaw, ang katotohanang kaya mong isagawa ay masyadong maliit, at ang mga prinsipyong kaya mong maarok ay masyadong kaunti. Madalas kang nasa proseso ng pangangapa, madalas na kumikilos sa isang kalagayan ng kalabuan, kaya napakahirap para sa iyong kumpirmahin kung ang iyong ginagawa ay naaayon sa mga layunin ng Diyos; palaging hindi malinaw ang iyong isipan. Maituturing bang sapat ang pagganap mo ng iyong tungkulin? Hindi pa rin, dahil masyadong kaunti ang nauunawaan mo sa katotohanan, at ang iyong buhay pagpasok ay wala pa sa antas na hinihingi ng Diyos; masyadong mababa ang iyong tayog. Ano ang ibig sabihin na masyadong mababa ang tayog ng isang tao? Sinasabi ng ilan na ito ay ang mababaw na pagkaunawa ng katotohanan, pero hindi lang ito talaga basta tungkol sa mababaw na pagkaunawa sa katotohanan. Ito ay direkta ring nauugnay sa musmos na pagkatao o mahinang kakayahan ng isang tao at pagkakaroon ng masyadong maraming negatibong bagay. Halimbawa, kung natanggap mo ngayon ang isang tungkulin at hindi mo alam kung paano ito gawin, maaaring maramdaman mong wala kang silbi at na hindi mo isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Humahantong ito para ikaw ay maging negatibo at mahina, nararamdamang hindi mabuti ang mga pagsasaayos ng Diyos at na wala kang anumang kayang gawin, at na tiyak na matitiwalag ka. Pagkatapos ay hindi mo na gustong gampanan ang iyong tungkulin. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng mababang tayog? Bukod pa rito, marami na ngayong batang kapatid na hindi pa kasal. Kapag nakatagpo sila ng isang gwapong lalaki o magandang babae, maaari silang mabighani, at ang ilang palitan nila ng sulyap ay maaaring makabuo ng mga damdamin; sa gayong mga matinding pagkagiliw na nabubuo, magagampanan pa rin ba nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin kapag nagsimula silang makipagtipan? Ito ay pagkahulog sa tukso. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng mababang tayog? Totoo nga. Bukod pa rito, may ilang tao na may ilang espesyal na kaloob, at gumaganap sila ng ilang espesyal na tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Nagbibigay ito sa kanila ng pakiramdam na may ilang kapital sila, kaya gusto nilang magpasikat, palaging gustong magpakitang-gilas. Sa sandaling magpakitang-gilas sila, nawawalan sila ng prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. At kung pupurihin sila nang iba kahit kaunti, tiyak na mawawala ang kanilang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay, magiging kampante at makalilimot sa kanilang mga tungkulin. Ito rin ay pagkahulog sa tukso. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng isang mababang tayog? Maging ang maliliit na bagay ay makapagdudulot sa isang taong may mababang tayog na magkamali. Halimbawa, may ilang tao na nagtatrabaho bilang mga aktor sa sambahayan ng Diyos; sa kanilang itsura at karisma, lumalabas sila sa ilang pelikula at pagkatapos ay pakiramdam nilang nagkamit sila ng kaunting katanyagan. Iniisip nila na, “Nakagawa na ako ngayon ng kaunting pangalan para sa aking sarili; kung ito ay sa sekular na mundo, hindi ba’t hihingin ng mga tao ang aking pirma? Bakit walang sinuman sa sambahayan ng Diyos ang may gusto sa aking pirma? Tila kailangan ko pang umarte sa isa pang magandang pelikula.” Gayunpaman, kapag hindi nila nakuha ang papel ng bida sa sumunod na pelikula, pakiramdam nila ay gusto nilang isuko ang kanilang mga tungkulin, iniisip na walang silbi ang mga ito. Palagi nilang gustong gumanap bilang mga bida at maging sikat na aktor, at kapag hindi nila nakamit iyon, pinanghihinaan sila ng loob, nagiging sumpungin, at iniisip pang magbitiw. Pagkakaroon ito ng isang mababang tayog. Ang pagkakaroon ng isang mababang tayog ay nangangahulugang hindi ka karapat-dapat sa mahahalagang responsabilidad. Kahit pinagkalooban ka pa ng Diyos ng isang tungkulin, hindi mo pa rin makakamit ang Kanyang tiwala. Sa isang maling pag-iisip o sa isang bagay na labag sa iyong kagustuhan, maaaring bitiwan mo ang iyong mga tungkulin at labanan ang Diyos. Hindi ba’t nagpapahiwatig din ito ng isang mababang tayog? (Oo.) Ito ay isang napakababang tayog. Sa gayong mababang tayog at sa mga pag-uugaling ito, gaano kalayo ang isang tao sa pagganap ng kanyang mga tungkulin nang sapat? Nasaan ang puwang? Ito ay nasa kung gaano minamahal ng isang tao ang katotohanan. May ilang tao rin na, sa proseso ng pagganap ng kanilang mga tungkulin, ay nalalamang nagkasakit ang kanilang pinakamalapit na kapamilya. Pagkatapos ay tumitigil sila sa pagdalo sa mga pagtitipon at pinababayaan ang kanilang mga tungkulin, iniisip na hindi mahalaga ang paglaktaw nila sa kanilang mga tungkulin nang dalawang araw—kung tutuusin, kung mamamatay ang kanilang kapamilya, mawawala na ang mga ito magpakailanman. Subalit bigo nilang isaalang-alang na ang pagganap ng mga tungkulin ng isang tao ay isang mahalagang bagay na may kaugnayan sa pagtatamo ng buhay, na ito ang tanging tsansa para magkamit ng kaligtasan. Mas pinahahalagahan nila ang mga damdamin at pamilya kaysa sa mga tungkulin at pagkakamit ng kaligtasan. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng isang mababang tayog? Masyadong mababa ang kanilang tayog! Ipinakikita nitong hindi nila nauunawaan ang mga nararapat na usapin ng buhay, at hindi nila alam kung paano gawin ang mga nararapat na gawain. Nakadepende ba ang laki ng tayog ng isang tao sa kanyang edad? Hindi. Ang mga tiwaling tao, babae man o lalaki, at anuman ang edad, lugar ng kapanganakan, o nasyonalidad, ay lahat may magkakatulad na tiwaling disposisyon. Nagtataglay silang lahat ng kalikasan ni Satanas at kayang maghimagsik laban sa Diyos at labanan ang Diyos, gumagawa ng iba’t ibang uri ng kasamaan. Kung hindi hahangarin ng isang tao ang katotohanan, magkakaroon ba siya ng tunay na pagsisisi? Hindi kailanman; hindi siya magbabago. May ilang tao ang nagkakasakit at sumisigaw tungkol sa pagsandig sa Diyos at hindi pagkatakot sa kamatayan, subalit nararamdaman din nilang hindi sila dapat basta umupo lang at walang gawin. Iniisip nilang kung hindi nila gagampanan ang kanilang mga tungkulin, tiyak na mamamatay sila, kaya dali-dali nilang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Tinitingnan nila kung aling tungkulin ang pinakamatrabaho at pinakamahalaga, kung alin ang pinahahalagahan ng Diyos, at nagmamadaling magpalista para rito. Sa buong proseso ng pagganap ng kanilang tungkulin, patuloy nilang iniisip na, “Mapagagaling ba ang sakit na ito? Umaasa talaga akong oo. Inialay ko ang aking buhay; hindi ba’t dapat akong gumaling?” Sa aktuwalidad, terminal ang kanilang sakit; gampanan man nila o hindi ang kanilang tungkulin, mamamatay sila. Bagaman nagampanan nila ang kanilang tungkulin ngayon, inoobserbahan ng Diyos ang puso ng tao—sa gayon kababang tayog at gayong motibo, magagampanan ba nila nang maayos ang kanilang tungkulin? Siguradong hindi. Ang mga ganitong uri ng tao ay hindi naghahangad sa katotohanan, at hindi mabuti ang kanilang pagkatao. Palagi silang may sarili nilang maliliit na pakana sa kanilang isipan. Sa oras na sumumpong ang sakit nila o sumama nang kaunti ang kanilang pakiramdam, nagsisimula silang mag-isip na, “Talaga bang pinagpala ako ng Diyos? Talaga bang inalagaan Niya ako at pinrotektahan? Tila hindi Niya ito ginawa, kaya hindi ko na gagampanan ang aking mga tungkulin.” Sa sandaling hindi sila naging kumportable nang kaunti, gusto na nilang sukuan ang kanilang mga tungkulin. May anumang tayog ba sila? (Wala.) Samakatuwid, huwag mong isiping dahil lang kaya ng iba’t ibang taong umupo rito at makinig sa mga sermon, o na kaya nilang talikuran ang kanilang mga pamilya at propesyon para gampanan ang kanilang mga tungkulin sa ilang posisyon sa sambahayan ng Diyos—gumagawa ng trabahong nauugnay sa kanilang mga propesyonal na kakayahan o mga larangan ng kadalubhasaan—na talagang nagagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Hindi rin ito nangangahulugang lahat ng gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay ginagawa ito nang kusang-loob, lalong hindi na ang lahat ng mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin ay nagtataglay ng isang partikular na tayog. Sa panlabas, mukhang abala ang mga tao at tila kusang-loob na ginagawa ang mga bagay-bagay at ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos batay sa tunay na pananalig sa Diyos. Sa katunayan, sa kaibuturan ng kanilang puso, madalas na mahina ang lahat. Madalas nilang iniisip na isuko ang kanilang mga tungkulin, madalas na may mga sarili silang plano, at lalo pang madalas na umaasa na matatapos agad ang gawain ng Diyos para mabilis nilang matanggap ang mga pagpapala. Iyon lang ang kanilang layunin. Ang nilalayon ng Diyos na lutasin ay ang mga kahinaan, paghihimagsik, at maliit na tayog na ito ng mga tao, gayundin ang mga mangmang na pag-iisip at pagkilos ng mga tao. Kapag nalutas na ang lahat ng mga isyung ito at hindi na mga problema, kapag wala nang lumilitaw na maaaring makaapekto sa iyong kakayahang gampanan ang iyong mga tungkulin, sapat na iyon, at ang iyong tayog ay lumago. Ang landas na tatahakin sa wakas ng isang tao, at ang lawig kung saan niya ito tatahakin, ay hindi natutukoy sa kung gaano kalakas ang kanyang pagsigaw ng mga islogan, o ang kanyang mga panandaliang emosyon o pagnanais. Sa halip, nakadepende ito sa kanyang paghahangad at sa antas ng kanyang pagmamahal sa katotohanan.

Sa anong mga sitwasyon ninyo isusuko ang inyong tungkulin? Ito ba ay kapag nahaharap kayo sa kamatayan? O kapag nakatatagpo kayo ng ilang maliit na kabiguan sa buhay? Maraming hinihingi ang ilang tao pagdating sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa isang banda, hindi sila dapat malantad sa hangin o araw, at dapat maging kumportable ang kanilang kapaligiran sa trabaho. Hindi nila kayang tiisin ang kahit kaunting karaingan. Dagdag pa rito, dapat na madalas nilang kasama ang kanilang asawa, mamuhay sa isang mundo na para sa dalawa, at magkaroon din ng sarili nilang pribadong buhay, tulad ng paglabas para sa paglilibang, pagbabakasyon, at iba pa, na lahat ay dapat na makapagpapasaya sa kanila. Kung hindi sila nasisiyahan kahit kaunti, sa kanilang puso ay hindi sila magiging kumportable at patuloy na maghihinanakit, at mang-aabala pa sila sa iba sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga kuru-kuro. Nakikilatis ng ilang taong nakauunawa sa katotohanan na ang mga taong ito ay hindi mabuti, na hindi mananampalataya ang mga ito, at ilalayo nila ang kanilang sarili sa mga ito. Subalit may ilang taong hindi nakauunawa sa katotohanan; may mababa silang tayog at walang pagkilatis, at maaapektuhan sila ng mga panggugulo ng mga taong ito. Sabihin mo sa Akin, dapat bang paalisin sa iglesia ang gayong mga tao na gumagawa ng masama? (Oo.) Ang ganitong uri ng tao, na patuloy na nanggugulo at nanggagambala sa gawain ng iglesia, ay dapat na paalisin para protektahan ang may mabababang tayog at mga mangmang. Sa anong mga pangyayari na maaari ninyong talikuran mismo ang inyong mga tungkulin at umalis nang walang abiso? Halimbawa, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, nakakita ka ng isang tao na napakaganda at nagsasalita nang may karisma, at habang mas tinitingnan mo siya ay mas lumalaki ang iyong paghanga, iniisip na, “Napakagandang hindi gampanan ang aking mga tungkulin at maghanap ng kaparehang tulad nito!” Kapag ganito ka mag-isip, nasa panganib ka; magiging madaling sumuko sa tukso. At kapag naisip mo ito nang sobra-sobra, nakahanda ka nang hangarin ang relasyong ito. Subalit kapag sa wakas ay nakuha mo na sila, mapagtatanto mong sila rin ay tiwaling tao at hindi talaga ganoon kabuti, subalit sa oras na iyon ay huli na para sa pagsisisi. Kapag nahulog ang isang tao sa tukso ng mga romantikong komplikasyon, hindi madaling makaalis. Hindi magiging madaling bumalik nang hindi gumugugol nang isa o dalawang taon, o tatlo hanggang limang taon. Sa loob ng tatlo hanggang limang taong isinuko mo, gaano karaming katotohanan ang iyong nakaligtaan? Gaano kalaki ang magiging kawalan sa iyong buhay? Gaano kalaki ang magiging pagkaantala sa iyong buhay paglago? May ibang taong nakakakita sa iba na kumikita ng maraming pera sa sekular na mundo, nagsusuot ng mga mamahaling damit, kumakain at umiinom nang maayos, at napupukaw ang kanilang puso; gusto rin nilang kumita ng pera. Ganyan lumilitaw ang tukso. Sinumang may pag-iisip na nagsisimulang maguluhan kapag nahaharap sila sa mga sitwasyon, iniisip na talikuran ang kanilang tungkulin, ay hindi makakayang labanan ang tukso; nasa panganib sila. Tanda ito ng isang mababang tayog. Nakararamdam ka ng sama ng loob at pagkadiskontento kapag nakakikita ka ng ibang taong kumakain ng ilang masarap na pagkain. Nakararamdam ka rin ng pagkadiskontento kapag nakakikita ka ng ibang taong may mabuting kapareha. At hindi ka nagiging masaya kapag nakakikita ka ng sinumang nasa iyong edad at may katulad na ganda, subalit mas magandang manamit kaysa sa iyo at sikat pa. Nagsisimula kang mag-isip, kung hindi mo tinalikuran ang iyong edukasyon at kung nakapagtapos ka at nakahanap ng isang propesyon, tiyak na mas magiging mabuti ang iyong buhay kaysa sa kanila. Sa tuwing nahaharap ka sa mga sitwasyong ito, nababagabag ka nang ilang araw. Ang mga tuksong ito ay isang uri ng pagpipigil, isang uri ng pangyayamot sa iyo, na nagpapakitang mababa ang iyong tayog. Kapag nagpapalaganap kayo ng ebanghelyo at nakatagpo kayo ng isang angkop na miyembro ng kasalungat na kasarian, isang uri na “matangkad, mayaman, at guwapo” o isang babae na maputi ang balat, mayaman, at maganda, maaring hindi mo magagawang umiwas sa tukso. Ano ang ibig sabihin na maaaring hindi mo ito maiwasan? Nangangahulugan itong ang iyong tayog ay hindi pa umabot sa antas na maaari mong madaig ang iba’t ibang tukso; hindi mo maiiwasan ang mga ito, kaya naaangkin at naaakit palayo ang iyong puso. Kung ano ang iyong iniisip, kung ano ang pinagninilayan mo sa iyong isipan, maging kung ano ang iyong pinapangarap at tinatalakay sa iba ay lahat nagiging tungkol sa mga usaping ito. Naaapektuhan nito ang pagganap ng iyong mga tungkulin; habang nagbabahaginan ng katotohanan, maraming nasasabi ang iba habang paunti nang paunti ang iyong naiaambag, at nawawalan ka ng interes sa pananalig sa Diyos. Hindi ba’t ito ay pagkaakit? Ito ay pagkahulog sa tukso, at ito ay mapanganib. Iniisip ng ilang tao na nahulog ka lang sa tukso kapag nagsimula ka nang makipagtipan sa sinuman o sumama ka sa kanila, subalit sa oras na umabot ka na sa puntong iyon, tapos ka na. Maaari bang lumitaw ang mga sitwasyong tulad nito kung nakatagpo ninyo ang mga ganitong usapin? (Hindi ko alam.) Kung hindi ninyo alam, pinatutunayan nitong mababa ang inyong tayog. Bakit pinatutunayan nitong mababa ang inyong tayog? Sa isang banda, hindi ka pa kailanman naharap sa gayong mga usapin, kaya hindi mo alam kung ano ang iyong magiging reaksyon; wala kang kontrol sa iyong sarili. Sa isa pang banda, kapag nahaharap sa ganitong uri ng sitwasyon, wala kang tamang saloobin at paraan ng pagharap sa ganitong uri ng problema. Kung hindi mo kayang hanapin ang katotohanan para lutasin ang problema, nangangahulugan itong pasibo ka. Pinatutunayan ng pagiging pasibo na may mababa kang tayog, at mangmang ka. Bagaman maaaring hindi mo aktibong inaakit ang iba, tiyak na kaya kang akitin ng iba, na magdadala sa iyo ng tukso. Kung hindi mo ito kayang mapagtagumpayan, iyan ay isang problema. Halimbawa, paano kung may mag-alok sa iyo ng pera at katayuan, o paano kung may mas mabuting taong dumating at sinusubukan kang akitin? Madali bang mapagtagumpayan iyon? Ano ang posibilidad na mapagtatagumpayan mo iyon? Sinasabing ang ilang tao, kapag nakatanggap ng dalawang tsokolate lang mula sa sinumang nagkakagusto sa kanila, ay nahuhumaling at nag-iisip na pumasok sa isang relasyon sa tao na iyon—ganoon kaliit ang kanilang tayog. Isa ba itong usapin ng hindi pananalig sa Diyos sa sapat na haba ng panahon? Hindi sa ganoon. May ilang tao na naging mananampalataya sa loob ng higit na isang dekada at natutukso pa rin kapag nahaharap sa mga ganitong sitwasyon. Una, pangalawa, o pangatlong beses man nilang nakatatagpo ito, maaari pa rin silang maakit. Ano ang sanhi nito? Mababa ang kanilang tayog, at talagang wala silang pagkaunawa sa ilang katotohanan. Bakit wala silang pagkaunawa? Dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan; palaging magulo ang kanilang pag-iisip. Sa pananaw nila, hindi makabuluhan ang mga gayong usapin. Iniisip nila, “Kung may dumating talagang isang angkop na kapareha, bakit hindi ako maaaring magpakasal? Hindi ko pa lang nakikilala ang sinumang angkop, at hindi ako napapahanga ng sinuman, kaya iraraos ko lang.” Ang pagraraos na ito ay hindi isang saloobin ng paghahangad sa katotohanan; hindi ito pagtahak sa landas ng pagkakamit ng kaligtasan at pagpeperpekto—hindi ang kaisipang ito. Gusto lang nilang makaraos, nabubuhay sa bawat araw na dumarating, pumupunta saanman sila dalhin ng buhay. At kung darating talaga ang araw na hindi na sila makapagpapatuloy, ganoon na nga iyon. Hindi sila interesado sa layunin ng Diyos na iligtas ang mga tao o sa gawain ng Diyos para sa kaligtasang ito. Bukod pa rito, hindi nila taimtim na hinahanap ang iba’t ibang katotohanang may kaugnayan sa pagliligtas ng Diyos sa tao, ni hindi nila ito isinasapuso. Maaaring sabihin ng ilan na: “Subalit palagi silang dumadalo sa mga sermon; paano Mo nasasabing hindi nila ito isinasapuso?” Subalit ang pagsunod lang sa ritwal ng pagdalo sa mga pagtitipon at pakikinig sa mga sermon ay iba sa pagtanggap sa katotohanan. Maraming tao ang nakikinig sa mga sermon, subalit iilan ba talaga ang nagsasagawa ng katotohanan? Mas kakaunti pa ang mga tumatahak sa landas ng paghahangad ng katotohanan. Maraming tao ang nakatuon lang sa pag-unawa sa mga doktrina at pagpapayaman sa mga sarili nilang kuru-kuro at imahinasyon kapag nakikinig sila sa mga sermon. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikinig sa layuning hanapin at tanggapin ito. Nagagawa nilang makinig sa mga sermon at magnilay sa kanilang sarili, ikinukumpara ang kanilang narinig sa kanilang sariling kalagayan, at tumutuon sa paglutas ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kumakapit sila sa mga praktikal na aspekto ng katotohanan; binibigyang-diin nila ang pagsasagawa at pagdanas ng mga aspektong ito, at ang pagkakamit ng katotohanan. Samakatuwid, ang mga nagmamahal sa katotohanan ay nakikinig sa mga sermon para magtamo ng buhay, para maunawaan ang katotohanan, at baguhin ang kanilang sarili. Tinatanggap nila ang katotohanan sa kanilang puso, at kapag isinasagawa nila ito, ang katotohanang nauunawaan nila ay nagiging kapaki-pakinabang para sa kanila; ang pagkaunawa sa katotohanan ay nagbibigay ng isang landas. Para sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, nakikinig sila sa mga sermon sa magulong paraan. Makikinig sila sa isang buong sermon mula simula hanggang huli, at kapag tinanong mo sila kung ano ang naunawaan nila pagkatapos, sasabihin nilang, “Naunawaan ko itong lahat. Itinala ko nang malinaw ang lahat.” Subalit kung tatanungin mo sila kung paano ito nakatutulong sa kanila, malabo lang nilang sasabihing medyo nakatutulong ito. Nakatutulong ba talaga ito? Hindi, dahil hindi nila nakuha ang mga katotohanan ng sermon. Bakit hindi nila ito nakuha? Dahil hindi nila ito tinanggap, paano nila ito makukuha? Sinasabi ng ilang tao na: “Paanong hindi nila ito nakuha? Paanong hindi nila ito tinanggap? Nakinig silang mabuti at nagtala pa nga.” May ilang taong nagtatala para lang sa pormalidad, hindi dahil sa pananabik nila sa katotohanan. May ilang nagbabahaginan ng katotohanan na maaaring hindi ito tinatanggap; depende ito sa kung ang kanilang puso ay tunay na nananabik para sa katotohanan. Ano kung gayon ang ibig sabihin ng tunay na tanggapin ang katotohanan? Nangangahulugan ito na pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, kayang iayon ng isang tao ang mga ito sa sarili niyang kalagayan, sa sarili niyang pag-uugali at mga gawa, sa mga prinsipyo ng pananalig sa Diyos, sa mga atas at responsabilidad na ibinigay ng Diyos, at sa landas na kanyang tinatahak. Kaya niyang pagnilayan ang kanyang sarili kaugnay ng lahat ng mga bagay na ito, kilatisin ang mga ito nang mabuti, kamtin ang pagkaunawa sa katotohanan, at pagkatapos ay isagawa at pumasok dito. Tanging ito ang isang tao na tumatanggap ng katotohanan; tanging ito ang isang tao na naghahangad sa katotohanan.

Ngayon lang, tinalakay ang mga pagpapamalas ng mga tao na may mababang tayog. Sa dahan-dahang proseso ng pag-unawa sa katotohanan, unti-unting malulutas ng mga tao ang mga isyu ng kanilang mababang tayog, tulad ng kahangalan, kamangmangan, karuwagan, at kahinaan. Ano ang tinutukoy ng kahinaan? Nangangahulugan ito na ang sangkap ng iyong pananalig sa Diyos ay partikular na maliit; ang iyong pananalig sa Diyos ay napakaliit. Sa doktrina, naniniwala kang kayang gawin ng Diyos ang lahat at na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, subalit kapag nahaharap sa aktuwal na mga sitwasyon, hindi ka nangangahas na magtiwala sa Diyos; hindi ka nangangahas na buong-pusong ibigay ang lahat sa Kanya at hindi mo kayang magpasakop—ito ay kahinaan. Ang kahangalan, kamangmangan, karuwagan, at paghihimagsik ng mga tao, ang mga negatibong bagay na ito, ay malulutas lang nang paunti-unti o mapagbubuti sa magkakaibang antas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan sa pagganap ng tungkulin. Ano ang ibig sabihin ng pagpapabuti? Nangangahulugan itong ang mga negatibong bagay na ito ay unti-unting malulutas; ang mga resulta ng iyong pagganap ng tungkulin ay bubuti nang bubuti, at kapag nahaharap sa mga sitwasyon, mas kaya mong magtiis kaysa sa dati. Halimbawa, sa nakaraan, kapag nahaharap sa mga gayong sitwasyon, dala ng iyong mababang tayog, magiging mahina ka, magiging pasibo ka, at maaapektuhan nito maging ang iyong saloobin sa pagganap mo ng iyong mga tungkulin. Mag-aalboroto ka, isusuko ang mga tungkulin, magiging pabasta-basta, at hindi magpapakita ng katapatan. Ngayon, kapag nahaharap sa gayong mga sitwasyon, ang antas ng iyong katapatan sa pagganap ng iyong tungkulin ay hindi nababawasan; kung may mga paghihirap o kahinaan ka sa iyong puso, maaari mong hanapin ang katotohanan para malutas ang mga ito. Ibig sabihin, ang isyu ng buhay pagpasok ay hindi na makaaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin. Ang iyong mga emosyon, kalagayan, at iyong kahinaan ay hindi na makaaapekto sa iyong itinalagang gawain, ni hindi na makaaapekto ang mga ito sa iyong mga responsabilidad, tungkulin, at obligasyon. Hindi ba’t dagdag ito sa iyong kakayahang harapin ang mga usapin at kayanin ang mga panlabas na pangyayari? Paglago ito sa tayog. Ang ilang tao, kung hihinging gumanap sa papel ng bida, ay nagiging napakasaya, at naglalakad pa na parang lumulutang sa hangin; subalit kung hihinging gumanap bilang ekstra, nag-aatubili sila at nagiging sumpungin, at naglalakad nang nakayuko ang kanilang ulo. May ilang tao na palaging gustong mamukod-tangi kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, subalit hindi kayang makipagbahaginan ng katotohanan. Hindi sila nagsasanay pero gusto pa ring palaging tumatayo sa matataas na lugar at ipinakikita ang kanilang mga mukha. Tunay na pagpapasakop ba ito? Ito ba ang tamang saloobin sa pagganap ng tungkulin ng isang tao? Kapag mali ang kaisipan ng isang tao at mali ang kanyang kalagayan, dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa kalutasan, at sa kalaunan ay magagawang hanapin at isagawa ang katotohanan anumang sitwasyon ang lumitaw; ito ay pagkakaroon ng buhay karanasan. Kapag nakikilatis mo ang lahat ng uri ng usapin, nagkaroon ka na ng imunidad. Anuman ang iyong makatagpo o kailanman ito mangyari, hindi ito makaaapekto sa pagganap mo ng iyong tungkulin; ni hindi maaapektuhan ang pagganap mo ng anumang maliit na isyu, anumang bahagyang emosyon, o mga pagbabago sa mga tao, pangyayari, bagay-bagay, at sitwasyon; ang iyong kapasidad na mapagtagumpayan ang kasalanan at mapagtagumpayan ang iba’t ibang pangyayari at emosyon ay magiging mas malakas—ibig sabihin nito ay lumago ang iyong tayog. Paano lumalago ang tayog? Ito ang nakakamit na resulta kapag unti-unting pumapasok ang mga tao sa katotohanang realidad sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga problema. Matapos mong maunawaan ang ilang katotohanan, at ang mga katotohanang ito ay naging iyong buhay, nagiging pundasyon ng iyong asal, nagiging pananaw mo sa pagmamatyag sa mga usapin, at nagiging iyong gabay na liwanag, ikaw ay matatag; hindi ka madalas na manghihina. Halimbawa, magiging napakasaya mo kung gagawin kang lider noon; kung papalitan ka, magiging negatibo ka sa loob ng isa o dalawang buwan, ayaw gumawa ng anumang bagay na hinihingi sa iyong gawin, gagampanan ang anumang gawain nang may negatibong saloobin, kumikilos nang pabasta-basta, hanggang sa puntong tuluyan pa ngang susuko. Ngayon, kung papalitan ka, sasabihin mong, “Kahit palitan ako, hindi ito makaaapekto sa akin. Hindi ako magiging negatibo sa loob ng isang araw. Kung papalitan ako ngayon, ipagpapatuloy ko kung ano ang dapat kong gawin bukas. Tinatanggap ko at nagpapasakop ako sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos.” Ito ang pagiging matatag. Paano nangyayari ang pagiging matatag na ito? Kung hindi mo hahangarin ang katotohanan, at kapag nahaharap sa mga usapin ay hindi mo hinahanap ang katotohanan para sa kalutasan, at hindi tumutuon sa pagkilos nang may mga prinsipyo, magkakaroon ka ba ng ganitong tayog? Hindi ka kailanman magiging matatag kung nabubuhay ka sa mga pilosopiya ng mga walang pananampalataya para sa mga makamundong pakikitungo. Tanging kung nabubuhay ka sa katotohanan na makakaya mong unti-unting bitiwan ang pagmamataas, katayuan, at banidad, para sa huli, walang makakapagpabagsak sa iyo at walang makaaapekto sa pagganap mo nang maayos ng iyong mga tungkulin. Ito ang pagkakaroon ng tayog; ito ang pagiging matatag. Kapag matatag ka at lumago ang iyong tayog, hindi ba’t nagagampanan mo ang iyong mga tungkulin nang palapit nang palapit sa pamantayan? Kapag tinutupad mo nang sapat ang iyong mga tungkulin, hindi ba’t ibig sabihin nito na mayroon ka nang partikular na tayog? Ano ang kasama sa tayog na ito? Tunay na pananalig sa Diyos, tunay na pagpapasakop sa Diyos, at katapatan sa Diyos, gayundin ang kakayahang tratuhin nang tama ang iyong mga tungkulin; pagtanggap ng lahat mula sa Diyos, at ang kakayahang magpasakop sa Diyos, matakot sa Diyos, at umiwas sa kasamaan. Ito ang mga pagpapamalas ng paglago ng tayog.

Ngayon, naramdaman ninyo ba sa inyong kamalayan na kailangang ilagay sa adyenda ang pagkakaligtas, at na hindi na kayo dapat maguluhan tungkol dito? Ang pagkaunawa sa bawat katotohanan ay napakahalaga para mailigtas; hindi ka dapat maguluhan tungkol sa anumang isang katotohanan. Ang pananalig sa Diyos ay hindi lang basta kaunting pagsisikap, pagiging abala, pagtitiis ng ilang pagdurusa, at pagtitiyaga sa mga pagsubok nang hindi nagkakamali. Kung ang mga taong nananalig sa Diyos ay tunay na itinuturing ang pagkakaligtas bilang isang mahalagang usapin sa buhay at tinatrato ang pagkakamit ng katotohanan bilang isang mahalagang usapin sa buhay, kaya nilang bitiwan ang kahit ano; magiging madali sa kanila ang pagbitiw. Kung hindi pa nararamdaman ng isang tao kung gaano kahalaga ang mailigtas, iyon ay kahangalan at kamangmangan; napakaliit ng kanyang pananampalataya, at nabubuhay pa rin siya sa matinding kahirapan. Kung ang isang tao ay hindi nagmamahal sa katotohanan, magiging mahirap para sa kanyang makamit ang sapat na pagtupad ng tungkulin. Ito ay dahil para makamit ang sapat na pagtupad ng tungkulin, kailangan ng isang tao na maunawaan ang maraming katotohanan at pumasok din sa maraming katotohanan. Sa proseso ng pag-unawa at pagpasok sa katotohanan, unti-unting magiging sapat ang tungkuling ginagampanan ng isang tao; unti-unting magbabago ang iba’t ibang kahinaan at emosyon niya, at unti-unti ring bubuti ang iba’t ibang kalagayan niya. Sa proseso ng pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad, magiging mas malinaw sa kalooban ng isang tao ang tungkol sa pangitain kaugnay sa pananalig sa Diyos at pagkakaligtas, at kasabay nito, ang pagnanais at hinihingi ng isang tao para sa pagkakaligtas ay magiging lalong agaran. Ano ang ibig sabihin ng agaran? Ibig sabihin ay nararamdaman mong ang pagkakaligtas ay isang agarang bagay, isang napakahalagang usapin; at na kung hindi mo lulutasin ang iyong mga tiwaling disposisyon, maaari itong maging napakamapanganib at hindi mo magagawang makamit ang kaligtasan. Ito ang uri ng kaisipan na naghahatid ng pakiramdam ng pagiging agaran. Sa simula, wala kang konsepto ng pagkakaligtas o pagiging perpekto. Unti-unti, nauunawaan mong ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon at kailangan ang Diyos para iligtas sila. Natutuklasan mo na ang mga tao ay nabubuhay sa kasalanan, nakakulong sa isang tiwaling disposisyon na walang kalayaan, nabubuhay sa matinding pagdurusa, at sa malao’t madali ay matatangay sila ng masasamang kalakaran ni Satanas. Napagtatanto mo na hindi kaya ng mga tao na tumayo nang matatag sa kanilang sarili—gaano ka man katatag o kadeterminado, hindi mo magagarantiya na susunod ka sa Diyos hanggang sa huli—at na dapat mong hangarin ang katotohanan, dapat mong maranasan ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at mga pagpipino para maunawaan ang katotohanan at makilala ang iyong sarili, at saka pa lang na magkakaroon ka ng determinasyong sundin ang Diyos hanggang sa huli. Sa puntong ito ka nagsisimulang makaramdam ng kaunting pagmamadali tungkol sa pagkakaligtas. Napakahalaga ng pagkaunawa sa katotohanan para mailigtas. Ang paghahangad sa katotohanan ay isang mahalagang bagay na hindi dapat talikuran o kaligtaan ng isang tao. Kung hahangarin mo o hindi ang katotohanan ay may direktang kaugnayan sa pagkakaligtas, at ito ay hindi maihihiwalay na nakaugnay sa kung ikaw ay magagawang perpekto ng Diyos. Sa proseso ng pagganap ng iyong mga tungkulin, ang lahat ng problema at kahirapang iyong nararanasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan; ang iyong kahinaan, kamangmangan, at kahangalan ay unti-unti ring magbabago. Ano ang tinutukoy ng pagbabagong ito? Nangangahulugan ito na ang iyong kakayahang mapagtagumpayan ang kasalanan ay lumagong mas malakas, at ikaw ay nagiging mas sensitibo sa iyong mga tiwaling disposisyon at sa mga buktot na bagay. Nagkakamit ka ng higit na pagkilatis at damdamin sa mga usaping ito sa iyong puso. Sa kasalukuyan, ang ilang tao ay wala pa rin ng kamalayang ito, at wala silang nararamdaman kapag nakakikita sila ng kasalanan, kabuktutan, o mga satanikong bagay—hindi ito katanggap-tanggap at nagpapakita na malayo-layo pa rin ang kanilang tayog. Ang ilang iba pa ay walang damdamin, walang pagkilatis, at walang ni isang bakas ng tunay na pagkamuhi sa iba’t ibang makasalanang pag-uugali at sa iba’t ibang pangit na aspekto ni Satanas. Wala rin silang anumang kamalayan o pagkilatis, o kahit anumang pagkamuhi, para sa kanilang mga sariling pagkilos at katiwaliang inilalantad nila, gayundin ang mga tiwaling disposisyon at mga pangit na bagay sa kaibuturan ng kanilang puso—ang mga tao na ito ay malayo pa rin sa pagkakaroon ng tayog. Gayunpaman, gaano man kalayo ang agwat, gaano man kahina ang isang tao o gaano man kaliit ang kanyang tayog sa kasalukuyan, hindi ito problema, dahil binigyan ng Diyos ang mga tao ng isang landas at direksiyon para malutas ang mga isyung ito. Habang unti-unti mong naaabot ang pamantayan ng pagganap ng iyong mga tungkulin nang sapat, hinahangad mo rin ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa mga katotohanang realidad. Habang hinahangad mo ang pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa mga katotohanang realidad, lumalakas ang iyong kakayahang mapagtagumpayan ang kasalanan, at ang iyong kapasidad na kilatisin ang mga buktot na bagay ay tumataas din, sa gayon ay nalulutas ang iyong kahinaan at paghihimagsik sa iba’t ibang lawak. Halimbawa, kapag mababa ang iyong tayog at nakatagpo ka ng isang sitwasyon, kahit na alam mong hindi ito mabuti, maaari ka pa ring mapigilan at maitali nito, at makisali pa nga rito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at kayang magsagawa ng ilang katotohanan, bukod sa pagkasuklam sa mga gayong usapin sa iyong puso, tatanggihan mo rin at aayawang gawin ang mga ito; kasabay nito, tutulungan mo rin ang ibang makawala mula sa mga ito. Pag-unlad ito; paglago ito ng tayog. Ano ang mga palatandaan ng paglago ng tayog? Una sa lahat, ang isang tao ay may katapatan sa pagganap ng tungkulin, na wala nang mga pabasta-bastang pag-uugali. Dagdag pa rito, ang pananampalataya ng isang tao sa Diyos ay nagiging mas tunay at mas praktikal, at may tunay na pagpapasakop sa Diyos. Higit pa rito, makikilatis at mapagtatagumpayan ng isang tao ang mga tukso at panggugulo ni Satanas; hindi na siya maililigaw o makokontrol ni Satanas, at makakawala siya sa impluwensiya ni Satanas. Sa pamamagitan nito, tunay na naabot ng isang tao ang pamantayan para sa pagkakaligtas.

Pagkatapos ng pagbabahaginan ngayon, alam na ba ninyo kung paano sukatin kung ang mga tungkulin na inyong ginagampanan ay naaayon sa pamantayan? Kung alam ninyo, pinatutunayan nitong kayo ay may kaunting pagkaunawa sa mga katotohanang ito at umunlad na; kung hindi, ito ay nagpapatunay na hindi ninyo naunawaan kung ano ang tinalakay, at nagkulang kayo. Kailangan ninyo ng kalinawan sa dalawang aspekto: Ang isa ay ang kakayahang suriin ang inyong sarili, at ang isa pa ay ang malaman kung paano gagampanan ang inyong tungkulin para maabot ang pamantayan at malaman ang landas. Sa nakalipas, nakapokus kadalasan ang ating mga talakayan sa pagganap ng tungkulin, na may kaunting pagbanggit sa pagganap nito nang sapat. Ngayon, ang pangunahing talakayan ay tungkol sa mga pamantayan para sa sapat na pagtupad ng tungkulin. Ang mga pamantayan para sa pagiging sapat at ang iba’t ibang katotohanang nakapaloob sa aspektong ito ay talagang napagbahaginan na nang malinaw. Bukod pa rito, kung anong mga isyu ang dapat iwasan at kung anong mga prinsipyo ang dapat panindigan sa proseso ng pagganap ng mga tungkulin, gayundin ang mga pagkakamali na hindi dapat gawin—napakahalaga ng lahat ng ito. Sa partikular, huwag magnakaw ng mga handog, huwag padalos-dalos na pumasok sa mga romantikong relasyon, at huwag salungatin ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung gagawin mo ang mga pagkakamaling ito, ganap ka nang tapos; wala nang pag-asang mailigtas. Kaya, huwag tahakin ang maling landas, huwag tahakin ang landas ng isang masamang tao. Sa sandaling tumuntong ka sa daang iyon, tunay na wala nang pag-asa; wala nang makapagliligtas sa iyo. Kung hindi ka ililigtas ng Diyos, tiyak na hindi mo rin maililigtas ang iyong sarili. Kung naabot ng isang tao ang puntong iyon, seryosong problema ito; hindi madaling bumalik. Iyon talaga ay isang daang patungo sa kawalan.

Nobyembre 28, 2018

Sinundan: Sa Paglutas Lamang sa mga Kuru-kuro ng Isang Tao Siya Makakapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos 3

Sumunod: Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito