Ang Pagpapalaganap sa Ebanghelyo ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya

Sa huling pagtitipon, pinag-usapan natin ang tungkol sa pagganap ninyo sa inyong tungkulin nang maayos. Ang pagkakamit nito ang una at pinakapangunahin sa apat na saligang kondisyon na hinihingi para maperpekto ng Diyos ang tao. Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa depinisyon at mga prinsipyo ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin. Tinalakay rin natin ang ilang halimbawa, kung saan nagbahaginan tayo tungkol sa iba’t ibang hayag na palatandaan na nagpapahiwatig na hindi ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang maayos. Sa paggawa nito, pinahintulutan Kong makita nang malinaw ng mga hinirang ng Diyos na dapat itama ang gayong mga problema, at para maunawaan nila ang saloobin ng Diyos sa mga gumaganap ng kanilang mga tungkulin sa gayong paraan. Matapos magbahaginan tungkol dito, nagkaroon kayo ng pangkalahatang pagkaunawa sa kung paano ninyo gagampanan ang inyong tungkulin nang maayos, kung ano ang dapat pagtuunan ng pansin, kung anong mga bagay ang hindi ninyo maaaring gawin, at kung anong mga kilos ang maaaring sumalungat sa disposisyon ng Diyos at humantong sa pagkawasak. Sa pakikipagbahaginan ninyo sa kung paano gagampanan ang inyong tungkulin sa maayos na paraan, kaya ba ninyong makita at maunawaan ang konsepto ng katotohanan sa bagay na ito? Kapag gumaganap ng iba’t ibang tungkulin, anong mga prinsipyo ang dapat sundin ng iba’t ibang uri ng mga tao, at anong mga katotohanan ang dapat nilang isagawa? May malinaw ba kayong pagkaunawa sa gayong mga detalye? (Hindi namin ito malinaw na nauunawaan.) Kung gayon, kailangan natin itong pag-usapan nang mas detalyado. Kailangan nating maglatag ng mas detalyadong mga klasipikasyon upang matalakay natin kung ano ang ibig sabihin ng maayos na pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin.

Ang gawain ng sambahayan ng Diyos ay nahahati sa ilang pangunahing kategorya. Ang gawaing nasa pinakaunahan ng lahat ng gawain ng sambahayan ng Diyos ay ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nangangailangan ito ng napakalaking bilang ng mga tao, napakalawak ng sinasaklaw nitong mga bagay-bagay, at kinapapalooban ito ng napakaraming gawain. Ito ang unang kategorya ng gawain, at ang pinakamahalagang gampanin sa pangkalahatang gawain ng iglesia. Ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ang unang mahalagang gampanin sa plano ng pamamahala ng Diyos. Kaya dapat itong ihanay bilang ang unang kategorya ng gawain. Kaya, ano ang titulong hawak ng mga gumaganap ng tungkuling ito? Mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Para naman sa ikalawang kategorya, ano ang pinakamahalagang tungkulin sa panloob na gawain ng iglesia? (Ang tungkulin ng mga lider at manggagawa.) Tama, ito ang tungkulin ng mga lider at manggagawa sa lahat ng antas sa iglesia, kabilang na rito ang mga superbisor at lider ng pangkat sa iba’t ibang grupo. Lubhang mahalaga ang tungkuling ito, at mahalaga ang lahat ng gawaing ginagawa ng mga taong ito. Ito ang ikalawang kategorya. Para naman sa mga tungkulin sa ikatlong kategorya, anong mga tungkulin ang medyo mahalaga sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Ang ilang espesyal na tungkulin.) Oo, kabilang sa ikatlong kategorya ang mga taong gumaganap ng iba’t ibang espesyal na tungkulin, kabilang na dito ang pagsusulat, pagsasaling-wika, paggawa ng pelikula, sining, at mga gawain para sa ugnayang panlabas. Ang mga nasa ikaapat na kategorya ay pangunahing gumaganap ng mga ordinaryong tungkuling may kaugnayan sa lohistikal na gawain, gaya ng pagtanggap sa mga bisita, pagluluto, at pamimili. Ang isang detalyadong klasipikasyon ng mga tungkuling ito ay hindi na kailangan. Ang ikalimang kategorya ay para sa mga taong nakagagampan lamang ng ilang tungkulin sa libre nilang oras dahil sa mga sitwasyon sa kanilang pamilya, pisikal na kondisyon, o iba pang gayong mga kadahilanan. Ginagampanan ng mga taong ito ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya. Ito ang ikalimang kategorya. Ang iba naman, na hindi gumagampan ng kanilang mga tungkulin, ay inilalagay sa ikaanim na kategorya. Walang kinalaman ang mga taong ito sa pagganap ng mga tungkulin, kaya bakit kailangan pa silang ilista sa isang kategorya? Dahil ibinibilang silang miyembro ng iglesia, nakalista sila sa huling kategoryang ito. Kung nakapakinig na sila sa maraming sermon, kung nauunawaan nila ang katotohanan, at boluntaryong humihiling na mabigyan ng mga tungkuling gagampanan, dapat nating payagan ang gayong mga tao na gumanap ng mga tungkulin at bigyan sila ng oportunidad na makapagsisi, hangga’t may sinsero silang pananampalataya at hindi mga taong sobrang baba ang kakayahan o masasamang tao, at basta’t nangangako silang hindi magdudulot ng kaguluhan. Lahat ng miyembro sa iglesia ay kabilang sa anim na kategoryang kababanggit lang. Ang natitira na lang ay ang mga bagong mananampalataya. Hindi maaaring sabihin na hindi sila gumaganap ng kanilang mga tungkulin. Sa halip, dahil mababa ang kanilang tayog at mababaw lang ang pagkaunawa nila sa katotohanan, wala silang kayang gawin. Kahit mahusay pa ang kakayahan ng ilan sa kanila, hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang mga prinsipyo, kaya naman hindi pa rin sila makaganap ng anumang tungkulin. Maaari silang magsimulang gumanap ng mga tungkulin pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos sa loob ng dalawa o tatlong taon. Sa panahong iyon, maililista na natin sila sa iba’t ibang kategorya ng mga taong gumaganap ng mga tungkulin. Bilang kongklusyon, malinaw na nating nailarawan ngayon ang anim na kategorya. Ang unang kategorya ay para sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo; ang ikalawang kategorya ay para sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas ng iglesia; ang ikatlong kategorya ay para sa mga gumaganap ng mga espesyal na tungkulin; ang ikaapat na kategorya ay para sa mga gumaganap ng mga ordinaryong tungkulin; ang ikalimang kategorya ay para sa mga gumaganap ng mga tungkulin kapag pupuwede sila; at ang ikaanim na kategorya ay para sa mga hindi gumaganap ng mga tungkulin. Anong mga prinsipyo ang pinagbabatayan sa pagkakasunud-sunod ng mga kategoryang ito? Nahahati ang mga kategoryang ito ayon sa kalikasan ng gawain, sa panahong kailangan para magawa ang gawain, sa bigat ng gawain, at sa kahalagahan ng gawain. Noong napag-usapan natin dati ang tungkol sa pagganap ng mga tungkulin, tinalakay natin ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan tungkol sa pagganap ng mga tungkulin. Ang ating naging pagbabahaginan ay tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na dapat sundin ng lahat ng tao sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Hindi tayo bumuo ng anumang kategorya at hindi natin detalyadong tinalakay kung aling mga prinsipyo ang dapat sundin ng bawat uri ng mga taong ito, ni ang mga partikular na katotohanan na dapat nilang pagtuunan na pasukin. Sa susunod, ibabahagi naman natin nang mas kompleto ang tungkol sa aspektong ito ng katotohanan, isa-isa nating tatalakayin ang bawat kategorya para maging malinaw.

Sisimulan Ko muna ang ating pagbabahagi sa mga katotohanang dapat maunawaan ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Ano ang mga pangunahing katotohanan na dapat maunawaan at isangkap ng mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanilang sarili? Paano mo ba dapat gawin ang tungkuling ito para magampanan mo ito nang mabuti? Dapat masangkapan ka ng ilang katotohanan ng pangitain na kailangan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at dapat kang magpakadalubhasa sa mga prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa sandaling maging dalubhasa ka na sa mga prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, ano pang mga katotohanan ang dapat mong isangkap sa iyong sarili para malutas ang mga kuru-kuro at problema ng iba? Paano mo ba dapat tratuhin ang mga nagsisiyasat sa tamang daan? Ang pinakamahalaga ay ang matutong kumilatis. Kung kanino mo maaaring ipangaral ang ebanghelyo at kung kanino naman hindi: ito ang unang prinsipyo na dapat mong maunawaan. Kung ipapangaral mo ang ebanghelyo sa mga taong hindi mo naman maaaring pangaralan, maliban sa masasayang ang pagod mo, madali rin itong makapagdudulot ng mga nakatagong panganib. Dapat maunawaan ito. Dagdag pa rito, hindi ito tatanggapin kahit ng mga taong maaaring pangaralan kung magsasabi ka lang ng kaunting salita o magsasalita tungkol sa ilang malalim na doktrina. Hindi ito ganoon kadali. Maaaring matuyo ang iyong bibig at matigang ang iyong dila sa kasasalita, at maubos ang iyong pasensiya, at gusto mo nang abandonahin ang mga nagsisiyasat sa tamang daan. Sa gayong mga sitwasyon, ano ang pinakamahalagang taglayin? (Pagmamahal at pagpapasensiya.) Dapat magkaroon ka ng pagmamahal at pagpapasensiya. Kung wala kang anumang pagmamahal, siguradong wala kang pagpapasensiya. Bukod sa pagkaunawa sa katotohanan kaugnay ng pangitain, nangangailangan ng matinding pagmamahal at matinding pagpapasensiya ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa ganitong paraan mo lamang maayos na magagampanan ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Paano binibigyang depinisyon ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo? Paano mo tinitingnan ang tungkuling ipalaganap ng ebanghelyo? Ano ang ipinagkaiba ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga gumaganap ng ibang mga tungkulin? Nagpapatotoo sila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw at nagpapatotoo sa pagparito ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao na mga sugo sila ng ebanghelyo, na ipinadala sila sa isang misyon, na sila ay mga anghel na bumaba mula sa itaas. Ganoon ba ang pwedeng maging depinisyon sa kanila? (Hindi.) Ano ang misyon ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Ano ang kanilang imahe sa isipan ng mga tao? Ano ang gampanin nila? (Mga tagapangaral.) Mga tagapangaral, sugo, ano pa? (Mga saksi.) Ganito ang depinisyon sa kanila ng karamihan sa mga tao. Pero tumpak ba talaga ang mga depinisyong ito? Ang mga karaniwang termino ay “tagapangaral” at “saksi”—mas prestihiyosong titulo ang “sugo ng ebanghelyo.” Madalas marinig ang tatlong terminong ito. Paano man nauunawaan at binibigyang-depinisyon ng mga tao ang mga titulo ng mga gumaganap ng tungkuling ito, hindi maiaalis ang kaugnayan ng mga titulong ito sa salitang “ebanghelyo.” Alin sa tatlong terminong ito ang mas may kaugnayan at mas akma sa tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, dahilan para maging mas rasyonal na titulo ito? (Mga tagapangaral.) Iniisip ng karamihan na mas akma ang titulong tagapangaral. May sumasang-ayon ba sa titulong saksi? (Mayroon.) Eh sa titulong sugo ng ebanghelyo? (Wala.) Ang totoo, wala talagang sumasang-ayon sa titulong sugo ng ebanghelyo. Talakayin muna natin kung angkop ba ang titulong tagapangaral. Ang ibig sabihin ng “mangaral” ay ang ipalaganap, ikalat, iparating, at isapubliko ang isang bagay—at ano ang “daan” na ipinapangaral ng mga tagapangaral? (Ang tunay na daan.) Maganda ang pagkakasabi mo. Ang “daan” ay ang tamang daan ng gawain ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos sa tao. Ganito natin ipinapaliwanag at binibigyang-depinisyon ang terminong tagapangaral. Sunod, pag-usapan naman natin ang tungkol sa saksi. Ano ang sinasaksihan ng isang saksi? (Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Hindi maling sabihin na pinatototohanan ng isang saksi ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Mukhang medyo angkop naman ang dalawang titulong ito. Paano naman ang titulong sugo ng ebanghelyo? Ano ba ang tinutukoy ng “ebanghelyo”? Ang tinutukoy nito ay ang mabuting balita at masayang balita ng gawain ng Diyos, ng pagliligtas ng Diyos sa tao, at ng pagbabalik ng Diyos. Paano natin ipapaliwanag ang “sugo”? Ang isang magandang paliwanag sa “sugo” ay isang taong ipinadala ng Diyos, isang taong direktang ipinadala para ipalaganap ang ebanghelyo, o isang partikular na tao na ipinapadala ng Diyos sa isang partikular na panahon para iparating ang mga salita o ang mahalagang mensahe ng Diyos. Ito ay isang sugo. Gumaganap ba ng gayong papel ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Ginagawa ba nila ang ganitong uri ng gawain? (Hindi.) Kung gayon, anong uri ng gawain ang ginagawa nila? (Nagpapatotoo sila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Isa bang misyon na tuwiran nilang tinanggap mula sa Diyos ang pagsaksi nila sa gawain ng Diyos sa mga huling araw? (Hindi.) Kung gayon, paano maipapaliwanag ang misyong ito? (Tungkulin ito ng mga nilikha.) Tungkulin ito ng mga tao. Inatas man sa iyo, sinabi man sa iyo, o ipinagkatiwala man sa iyo ng Diyos ang proklamasyon ng Kanyang bagong gawain at ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, responsabilidad at obligasyon mo na sabihin sa mas maraming tao ang tungkol sa ebanghelyo, na ipalaganap ito, at iparating ito sa mas maraming tao. Responsabilidad at obligasyon mo na ipaalam sa mas maraming tao ang balitang ito, na humarap sa Diyos, at bumalik sa sambahayan ng Diyos. Ito ang tungkulin at responsabilidad ng mga tao, kaya hindi maaaring sabihin na idinestino at ipinadala sila ng Diyos. Samakatuwid, hindi angkop ang salitang “sugo” rito. Ano ang kalikasan ng salitang ito? Ito ay di-totoo, malabis, at hungkag. Hindi angkop ang salitang “sugo” dahil masyado itong malabis. Mula pa noong panahon ng Lumang Tipan hanggang sa kasalukuyan, mula sa simula ng gawain ng pamamahala ng Diyos hanggang sa kasalukuyan, hindi talaga kailanman nagkaroon ng gampaning sugo. Ibig sabihin, hindi nagkaroon ng ganoong gampanin sa plano ng pamamahala ng gawain ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan sa buong panahon nito. Paano mapapasan ng mga ordinaryong tao ang ibig sabihin ng salitang “sugo”? Walang sinumang makapapasan ng gayong gawain. Samakatuwid, hindi maibibigay ang gampaning ito sa tao, at walang sinuman ang maaaring iugnay o ikabit sa salitang ito. Ang isang sugo, sa pagkakaintindi ng mga tao, ay isang taong ipinadala ng Diyos para gawin ang isang bagay o para maghatid ng mensahe. Halos walang kinalaman ang gayong tao sa napakalaki at napakahalagang gawain ng Diyos ng pamamahala sa sangkatauhan. Ibig sabihin, wala talagang papel na sugo sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Kaya, huwag mo nang gamitin ang salitang ito sa hinaharap. Kawalang muwang ang magsalita sa ganitong paraan. Puwede bang akuin ng isang tao ang titulong “sugo ng ebanghelyo”? Hindi. Dahil, unang-una, siya ay laman at dugo. Dagdag pa rito, kabilang siya sa tiwaling sangkatauhan. Anong uri ba ng nilalang ang isang sugo? Alam ba ninyo? (Hindi namin alam.) Hindi ninyo alam, pero nangangahas pa rin kayong gamitin ang titulong ito. Pagpapanggap ito. Masasabing talagang walang kinalaman ang mga sugo sa sangkatauhan, at hindi maaaring magkaroon ng kinalaman ang mga tao sa salitang “sugo.” Hindi ito kayang pasanin ng sangkatauhan. Ang mga sugo ng ebanghelyo, ang pagparito ng mga sugo mula sa itaas, at ang gawain ng mga sugo ay tapos nang lahat sa panahon ni Abraham sa Lumang Tipan. Tapos na tapos na ito. Mula nang pormal na gampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, dapat tigilan na ng mga tao ang paggamit sa salitang “sugo.” Bakit hindi na dapat gamitin ang salitang ito? (Hindi ito kayang pasanin ng tao.) Ang pinag-uusapan dito ay hindi kung kaya ba itong pasanin ng tao o hindi, kundi, walang kinalaman ang mga sugo sa tiwaling sangkatauhan. Sa tiwaling sangkatauhan, walang gayong papel, ni walang gayong titulo. Balikan natin ang salitang “tagapangaral.” Kung bibigyan natin ng obhektibo, tumpak, at malalim na depinisyon ang “daan” na ipinapangaral nila, paano natin ito bibigyan ng depinisyon? (Ang salita ng Diyos.) Medyo pangkalahatang termino ito. Partikular lang ba itong tumutukoy sa ebanghelyo at sa mensahe ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang panahon? (Hindi.) Ano, kung gayon, ang talagang ipinoproklama ng mga taong nagpapalaganap sa ebanghelyo? Hanggang sa anong antas may kaugnayan sa “daan” ang gawain ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo? Anong uri ng gawain ang talagang nasasaklaw ng kanilang mga tungkulin? Nagpapahayag lang sila ng ilang pangunahing impormasyon sa mga tumatanggap ng ebanghelyo—gaya ng pumarito ang Diyos sa mga huling araw, ang gawaing ginawa Niya, ang mga salita ng Diyos, at ang mga layunin ng Diyos—nang sa gayon ay marinig at matanggap ng mga tao ang mga impormasyong ito at pagkatapos ay magbalik-loob sila sa Diyos. Pagkatapos nilang dalhin ang mga tao sa harapan ng Diyos, natupad na ang responsabilidad nila na ipalaganap ang ebanghelyo. Nakapaloob ba ang anumang ipinapakahulugan sa “daan” sa impormasyong ipinapahayag nila? Dito, ang mga terminong “impormasyon” at “ebanghelyo” ay magkatumbas. Kaya, may anumang kinalaman ba ang mga ito sa “daan”? (Wala.) Bakit walang anumang kaugnayan? Ano ba talaga ang tinutukoy ng “daan”? Ang pinakasimpleng salitang magagamit natin bilang paliwanag ay landas. Napapaloob sa terminong “landas” ang depinisyon ng “daan,” na mas partikular. Sa mas kongkretong pananalita, ang “daan” ay ang lahat ng salitang ibinigay ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, para palayain ang mga tao mula sa kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, at para makatakas sila mula sa pagkaalipin at masamang impluwensiya ni Satanas. Isa ba itong tumpak at kongkretong paglalarawan? Kung titingnan ito ngayon, angkop bang depinisyon ang salitang “tagapangaral” para sa mga tumutupad ng tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi ito angkop.) Ang tungkulin ng isang tagapangaral ay higit pa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Tanging ang mga nakakakilala sa Diyos at nagpapatotoo sa Diyos ang makahahawak sa titulong ito. Kaya bang pasanin ng isang karaniwang taong nagpapalaganap ng ebanghelyo ang gawain ng isang tagapangaral? Hinding-hindi. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagpoproklama lamang ng mabubuting balita at pagpapatotoo lamang sa gawain ng Diyos. Hindi kayang pasanin ng mga taong ito ang gawain ng mga mangangaral, hindi nila kayang gampanan ang tungkulin ng mga mangangaral, kaya hindi sila maaaring tawaging mga tagapangaral. Nagpapahiwatig ng mas mataas na posisyon ang titulong tagapangaral, at hindi nararapat ang titulong ito sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi akma ang titulong ito sa kanila. Ngayon ang terminong “saksi” na lang ang natitira. Ano ang sinasaksihan ng isang saksi? (Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.) Akma bang sabihin na ipinoproklama at pinatototohanan nila ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Kung bibigyan ng tumpak na depinisyon ang kahulugan ng saksi, dapat itong tumukoy sa isang taong nagpapatotoo sa Diyos, sa halip na sa isang taong nagpapatotoo sa ebanghelyo. Paano kung tawagin nating mga saksi sa Diyos ang mga taong ito na nagpapalaganap ng ebanghelyo? Nakapagpapatotoo ba sila sa Diyos? (Hindi.) Paano natin maipapaliwanag ang terminong “saksi” batay sa pagkakagamit nito rito? Sa masusing pagsisiyasat, hindi rin angkop ang salitang “saksi.” Dahil ipinoproklama lang ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga salitang sinalita ng Diyos sa lahat ng taong nauuhaw para sa mga salita ng Diyos at sinasabi lang nila ang salita ng Diyos sa mga taong tumatanggap sa pagpapakita ng Diyos, hindi nito naaabot ang tunay na katuturan ng salitang “saksi.” Bakit Ko sinasabing hindi ganito ang ibig sabihin ng magpatotoo? Ang pagpapatotoo ay kinapapalooban ng mga bagay na ibinabahagi at ipinoproklama ng isang tao upang makilala ng mga tao ang Diyos at para dalhin ang mga taong ito sa harapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, dinadala lamang ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao sa iglesia, sa lugar kung saan gumagawa ang Diyos sa lupa. Hindi sila nagpapatotoo sa disposisyon ng Diyos, sa kung ano ang mayroon ang Diyos at sa kung ano Siya, o sa gawain ng Diyos. Angkop ba ang titulong saksi para sa kanila? Sa tumpak na pananalita, hindi ito angkop ni akma. Ngayon, nasiyasat at napagnilay-nilayan na natin ang tatlong termino—mga sugo ng ebanghelyo, tagapangaral, at saksi—at napag-alaman natin na ang lahat ng ito ay hindi angkop sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Kahit mula pa sa relihiyon ang mga terminong ito o karaniwan na itong ginagamit ng mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, hindi angkop ni akma ang mga titulong ito. Ngayon, dumako naman tayo sa katanungan na: Mahalaga ba ang mga titulo? (Mahalaga ang mga ito.) Talaga bang mahalaga ang mga ito? Halimbawa, kung ang orihinal mong pangalan ay John Smith, pero tinatawag ka na ngayon na James Clark, nagbago ka ba? Hindi ba’t ikaw pa rin naman iyan? Ibig sabihin, hindi mahalaga ang titulo o ang pangalang ginagamit mo. Kung hindi ito mahalaga, bakit pa hinihimay ang mga salitang ito? Hinimay Ko ang mga salitang ito para magkaroon ng tumpak na pananaw ang mga tao sa tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, para tumpak nilang mabigyang depinisyon kung ano talaga ang tungkuling ito, at para malaman nila kung paano dapat gampanan at tratuhin ang tungkuling ito nang maayos. Kinakailangan mo munang alamin ang sarili mong posisyon sa tungkuling ito. Napakahalaga nito. Kaya, dapat tumpak ang titulong ito.

Medyo nahimay Ko na ngayon ang ilang titulo o termino na tumutukoy sa mga gumaganap ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Hindi tumpak ang lahat ng titulo at depinisyon ng mga saksi, tagapangaral, at sugo ng ebanghelyo. Bakit hindi tumpak ang mga ito? Ito ay dahil walang ginagawang anumang makatuturang gawain na karapat-dapat sa mga katawagang ito ang mga taong nagpapalaganap lang ng ebanghelyo. Hindi sila nagpapatotoo sa mga gawa, gawain, o sa diwa ng Diyos. Hindi ito ang gawaing ginagawa nila, ni hindi ito ang tungkuling ginagampanan nila. Samakatuwid, hindi sila karapat-dapat na tawagin sa titulong saksi. Ganito rin ang kalikasan ng titulong tagapangaral, lalo na ang sugo ng ebanghelyo. Walang kahulugan ang huling titulong ito, at wala itong anumang batayan. Isa lamang itong titulo na magandang pakinggan na ibinibigay ng mga tao sa kanilang sarili. Saan nagmula ang titulong sugo? Hindi ba’t bunga ito ng paglobo ng mapagmataas na disposisyon ng tao? (Oo.) Hindi ba’t pagnanais lang ito na mabigyan ang sarili ng mataas na titulo? Kapag iginagawad ng isang tao ang ganitong uri ng titulo sa kanyang sarili, ang pag-uugaling ito ay hindi pagpapamalas ng pagtataglay ng katwiran. Ang ibang mga titulo ay lalo namang hindi angkop at hindi nababagay, kaya hindi na natin ililista at hihimayin isa-isa ang mga ito. Dahil hindi angkop ang mga titulong ito, tingnan naman natin kung ano ang bumubuo sa diwa ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Sa isang relihiyon, ano ang tawag ng mga tao kapag napabalik-loob ang isang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. (Pagbubunga.) Kapag napapabalik-loob ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang isang tao, sinasabi nilang nagbunga sila. Kapag nagkikita-kita at nagkukuwentuhan sila, lagi nilang pinag-uusapan kung gaano karami ang naibunga nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kung saan-sang lugar. Ikinukumpara nila ang kanilang mga sarili sa isa’t isa para makita kung sino ang nakapagbunga nang mas marami at kung anong uri ng bunga ang mga ito. Bakit nila ginagawa ang gayong pagkukumpara? Sa mababaw na pagkukumpara ng dami ng kanilang mga bunga, ano ang talagang ikinukumpara nila? Kinukumpara nila ang kanilang mga merito at ang kanilang mga kwalipikasyon upang makapasok sa kaharian ng langit. Kung ginagawa nila ang gayong mga pagkukumpara sa isa’t isa, nakikita ba nila bilang kanilang tungkulin ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Bakit labis nilang pinahahalagahan ang kanilang mga bunga? Naniniwala silang ang mga ibinubunga nila ay may kaugnayan sa pagpunta sa langit, sa pagtanggap ng mga pagpapala, at pagtatamo ng mga gantimpala. Kung walang koneksyon ang mga bungang ito sa mga bagay na iyon, gagawin ba nila ang mga pagkukumparang ito sa tuwing magkikita-kita sila? Ikukumpara nila ang kanilang sarili sa ibang aspekto. Ikukumpara nila ang kanilang sarili sa anumang aspektong may kaugnayan sa pagtanggap ng mga gantimpala at pagpasok sa kaharian ng langit. Dahil may kaugnayan sa pagpunta sa langit at sa pagtanggap ng mga gantimpala ang pagpapabalik-loob at pagbubunga sa mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, para maisakatuparan ang mga bagay na ito, hindi kailanman nagsasawa ang mga taong ikumpara kung sino ang may mas maraming napabalik-loob at mas maraming naibunga kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos, nagkakalkula sila sa kanilang puso ng mga paraan para mas marami silang mapabalik-loob at mas marami ang kanilang maibunga, nang sa gayon ay mapataas ang kanilang kwalipikasyon at kumpiyansa sa pagpasok sa langit at pagtatamo ng mga gantimpala. Nagiging halata rito ang saloobin ng iba’t ibang uri ng mga tao patungkol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang saloobin at motibasyon ba nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay ang hangaring matupad ang kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha? (Hindi.) Isa itong maling pananaw. Ang layon nila ay hindi para magampanang mabuti ang kanilang tungkulin, hindi para tuparin ang atas ng Diyos, kundi para makakuha ng mga gantimpala. Ang pagganap sa tungkulin sa gayong transaksyonal na paraan ay halata namang hindi naaayon sa katotohanan, bagkus ay labag ito sa katotohanan. Hindi ito naaayon sa mga layunin ng Diyos, kundi nakakasuklam ito sa Kanya. Kahit gaano pa karami ang ibunga ng mga taong ito, wala itong kaugnayan sa kanilang huling hantungan. Itinuturing nila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang propesyon, bilang daan o tulay para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala. Ang layunin ng gayong mga tao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin at sa pagtanggap sa atas na ito ay hindi para tuparin ang atas ng Diyos o para gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin, kundi para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala. Samakatuwid, para sa ganitong mga tao, kahit gaano pa karami ang ibunga nila, hindi sila mga saksi ni mga tagapangaral. Ang gawaing ginagawa nila ay hindi pagganap ng tungkulin, kundi pagpapagal at pagtatrabaho lamang upang magtamo ng pagpapala para sa kanilang sarili. Ang pinakamalalang problema rito ay hindi lamang na ang layunin nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay para magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, kundi na ginagamit din nila ang katunayang napapabalik-loob nila ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang alas na papapalitan sa Diyos ng mga gantimpala at ng pagpapalang makapasok sa langit. Hindi ba’t isa itong napakalalang problema? Ano ang diwa ng problemang ito? Ibinebenta nila ang ebanghelyo, “ibinebenta” ito kapalit ng mga pagpapala. Hindi ba’t may kaunting kalikasan ng pagsubok na makipagkasundo sa Diyos dito? Ito ang diwa ng kanilang mga layunin, pagsasagawa, at ang kalikasan ng kanilang mga kilos. Ang pagbebenta ng ebanghelyo kapalit ng mga gantimpala ang tila problemang nasusumpungan sa mga di-umano’y “mga tagapangaral” sa mundo ng relihiyon. Kaya, may ganoon din bang problema ngayon ang mga gumaganap ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo sa sambahayan ng Diyos? (Mayroon.) Ano ang mahalagang problema na parehong mayroon sila? Ito ay na ibinebenta nila ang ebanghelyo kapalit ng pagkalugod at pagkilala ng Diyos para makamit ang kanilang pakay na magtamo ng mga pagpapala at magkaroon ng magandang hantungang iyon. Kapag ipinipresenta sa ganitong paraan, maaaring hindi makumbinsi ang ilan sa inyo, pero totoong ganito nga ang asal ng maraming tao.

Matapos makapagpabalik-loob ng mga tao, pakiramdam ng marami sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo na may kakayahan na silang magligtas ng mga tao at na nakagawa na sila ng malaking serbisyo, at madalas nilang sinasabi sa mga taong tumanggap ng ebanghelyo mula sa kanila: “Kung hindi ko ipinangaral ang ebanghelyo sa iyo, hindi mo sana kailanman nagawang sumampalataya sa Diyos. Dahil sa mapagmahal kong puso kaya naging mapalad kang matanggap ang ebanghelyo.” At matapos tanggapin ng mga taong iyon ang ebanghelyo mula sa kanya, laging maiisip ng taong ganito ang uri na itanong sa kanila, “Sino ba ang nagpalaganap ng ebanghelyo sa iyo?” Pagbubulay-bulayan ng mga taong iyon ang tanong na ito at iisipin na, “Totoong ikaw ang nangaral ng ebanghelyo sa akin, pero gawain ito ng Banal na Espiritu—hindi ko maaaring ibigay sa iyo ang kapurihan para dito.” At hindi nila gugustuhing sumagot. Kapag hindi sila sumagot, magagalit naman ang mga nagtatanong at patuloy silang tatanungin. Ano ang layunin sa likod ng kanilang walang-tigil na pagtatanong? Gusto nilang tumanggap ng kapurihan. May ilan din sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo na dadalhin ang ebanghelyo sa isang tao, pero ayaw nilang ibigay ang taong iyon sa iglesia kapag nakatugon na ang taong iyon sa mga kondisyon para makapasok dito. May ilan namang tagapagpalaganap ng ebanghelyo na ipapalaganap ang ebanghelyo sa ilang tao at hindi ibibigay ang mga ito sa iglesia, at may ilan naman na ipapalaganap ang ebanghelyo sa 20 o 30 katao—sapat para makapagtayo ng iglesia—pero hindi rin ibibigay ang mga ito sa iglesia. Bakit hindi nila ibinibigay ang mga taong ito sa iglesia? Sinasabi nila na, “Wala pa ring matibay na pundasyon ang mga taong ito. Maghintay-hintay pa tayo hanggang sa mayroon na silang matibay na pundasyon, hanggang sa wala na silang anumang pagdududa, hanggang sa hindi na sila madaling maililigaw, saka ko sila ibibigay sa iglesia.” Pagkaraan ng kalahating taon, magkakaroon na ang mga taong ito ng kaunting pundasyon at makakatugon na sila sa mga prinsipyo para makapasok sa iglesia, pero hindi pa rin sila ibibigay nitong mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Gusto nilang sila mismo ang umakay sa mga taong ito. Ano ang layunin sa likod nito? Kung walang magiging pakinabang mula rito, gugustuhin ba nilang akayin ang mga taong ito? Anong pakinabang ang hinahangad nila? Hangad nilang makakuha ng personal na pakinabang at ng mga bentaha mula sa mga taong ito. Kung ibibigay nila ang mga taong ito sa iglesia, hindi nila makukuha ang mga pakinabang na iyon. Kaya, dapat mayroon kang pagkilatis sa ganitong problema. Katulad lang ito ng kung paanong alam na alam naman ng maraming pastor at elder sa mundo ng relihiyon kung ano ang tunay na daan, pero hindi nila ito tinatanggap at hindi nila pinapayagang tanggapin ito ng mga mananampalataya. Ang totoo, ginagawa nila ito para sa sarili nilang prestihiyo at pakinabang. Kung tatanggapin ng mga mananampalataya ang tunay na daan, hindi na magagawa ng mga pastor at elder na iyon na makinabang mula sa kanilang pananampalataya. Nangangamba ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyong gaya nito na, sa sandaling umanib sa iglesia ang mga taong tumanggap ng ebanghelyo mula sa kanila, makakalimutan na sila ng mga ito kung kaya hindi na nila magagawang makinabang mula sa pananampalataya ng mga ito. Ito ang dahilan kaya hindi nila ibinibigay ang mga taong ito sa iglesia. Kailan ibibigay ng mga ganitong tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang mga tao? Kapag pinapakinggan at sinusunod na sila ng lahat ng taong iyon, ibibigay na nila ang mga ito sa iglesia. Kapag nakapasok na ang mga taong ito sa iglesia, ang ilan sa kanila na may mabuti-buting pagkatao, dalisay na pagkaarok, at pagmamahal sa katotohanan ay madalas nang makikinig sa mga sermon at makauunawa ng ilang katotohanan, at magagawa na nilang makilatis ang mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila. Pagkatapos ay sasabihin nila, “Tila yata isang anticristo ang taong iyon, gaya ni Pablo.” Sa susunod na magkita sila, hindi nila papakinggan ang mga tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo. Kapag hindi pinakinggan ang mga tagapaglaganap na iyon ng ebangehelyo, magagalit sila at sasabihing, “Wala kang utang na loob! Kung hindi ko ipinalaganap ang ebanghelyo sa iyo, makasasampalataya ka ba sa Diyos? Mahahanap mo kaya ang tunay na daan? Nakalimutan mo na ba ako, ang iyong ina, ngayong may iba nang taong umaakay sa iyo?” Gusto nilang ituring sila bilang isang ina. May katwiran ba ang mga taong ganito magsalita? (Wala.) Kung nasasabi ito ng isang tao, siguradong hindi siya isang mabuting tao. Bakit Ko nasasabi ito? Kapag ipinapalaganap niya ang ebanghelyo ng Diyos, kanino ba ang mga taong napapabalik-loob niya? (Sa Diyos.) Bagama’t maaaring nagpapakahirap siyang ipalaganap ang ebanghelyo, hindi sa kanya ang mga taong napapabalik-loob niya, kundi sa Diyos. Gusto ng mga tumatanggap ng ebanghelyo na sumunod sa Diyos, hindi ang manampalataya sa mga taong nangangaral ng ebanghelyo sa kanila, pero hindi pinapayagan ng ganitong uri ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo na umanib sila sa iglesia at sumunod sa Diyos. Sa halip, gusto nilang patuloy na hawakan at kontrolin ang mga taong ito, at pasunurin ang mga ito sa kanila. Hindi ba’t pangingikil ito sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Hinahadlangan ng ganitong uri ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang mga tao para huwag makalapit sa Diyos ang mga ito, nang sa gayon ay kailanganin ng mga taong iyon na dumaan muna sa kanila bago makalapit ang mga ito sa Diyos, at para ang lahat ng bagay ay maipaalam sa kanila. Hindi ba’t sinusubukan nilang makinabang mula sa pananampalataya ng mga ito? Hindi ba’t gusto nilang kontrolin ang mga taong ito? (Ganoon nga.) Anong uri ng pag-uugali ito? Ugali talaga ito ni Satanas! Ibig sabihin, ipinakita na ng anticristo ang kanyang tunay na kulay, at gusto niyang kontrolin ang iglesia at ang mga hinirang ng Diyos. Masusumpungan ang mga ganitong uri ng tao sa mga iglesia sa maraming lugar. Sa malalang mga kaso, maaaring kontrolado nila ang dose-dosena o daan-daan pa ngang mga tao. Sa mga di-gaanong malalang kaso, kapag ipinapangaral nila ang ebanghelyo sa ilang tao, palagi lang nilang hihinging tumanaw ang mga ito ng utang na loob sa kanila, ipinapaalala sa mga taong ito ang utang na loob ng mga ito sa tuwing sila ay magkikita, at laging babanggitin ang mga bagay-bagay mula noong magsimulang manampalataya ang mga taong ito. Bakit ba nila laging binabanggit ang gayong mga bagay? Ito ay para hindi makalimutan ng mga taong iyon ang kanilang kabaitan at huwag makalimutan kung sino ang nangangaral sa kanila kung kaya’t nakapasok sila sa sambahayan ng Diyos, at kung kanino dapat mapunta ang kapurihan. Nagkikimkim sila ng layuning ungkatin ang gayong mga bagay, at kung hindi nila ito magawa, pinapagalitan nila ang mga taong iyon. Ano ang unang bagay na sinasabi nila para kagalitan ang mga taong iyon? (Na walang utang na loob ang mga ito.) May katwiran ba ang mga salita nilang ito? (Wala.) Bakit mo nasasabing walang katwiran ang mga sinasabi nila? (Dahil wala sa tama nilang lugar ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Tungkulin nila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, ito naman talaga ang kanilang dapat na gawin. Subalit, pagkatapos dalhin ang ebanghelyo sa mga tao, nakikita nila ito bilang kanilang kontribusyon, at hindi bilang kanilang tungkulin.) Lagi nilang iniisip na may naging kontribusyon sila sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Mali ito. Sa isang banda, wala sila sa tama nilang lugar. Ang Diyos ang nagliligtas sa mga tao, at maaari lamang makipagtulungan ang mga tao rito. Ano ba ang maisasakatuparan ng isang tao kung hindi gagawa ang Diyos? Sa kabilang banda, hindi niya kontribusyon ang ipalaganap ang ebanghelyo sa ibang tao. Wala siyang naging malaking kontribusyon, tungkulin niya ito. Ang Diyos ang may gustong makamit Niya ang mga tao, nakikipagtulungan lang nang kaunti sa Kanya ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Trabaho ng Diyos ang iligtas at kamtin ang mga tao, at wala itong kinalaman sa mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo. Hindi nila kayang gawin ang mga bagay na ito. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, ginagampanan lang nila ang trabaho ng pagpaparating nito, ibinabahagi lamang nila sa iba pang tao ang ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw. Hindi puwedeng sabihin na isa itong kabaitan na ipinagkaloob nila sa mga tao, kaya, kung hindi sila pakikinggan ng mga taong ito, hindi iyon kawalan ng utang na loob. Hindi ba’t madalas mangyari ang gayong mga bagay habang ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Nabunyag na ba ang ganitong katiwalian sa inyo? (Oo.) Isa ba itong malalang pagbubunyag? Sukdulan bang pinagalitan mo na ang iba? Sukdulan bang kinamuhian mo na ang iba? Sukdulan bang ninais mo nang sumpain at kontrolin ang mga tao? Nais mong dominahin at kontrolin ang sinumang tumatanggap ng ebanghelyo mula sa iyo. Gusto mong angkinin ang mga taong iyon sa halip na ibigay sila sa Diyos. Inaasahan mong magiging tapat mong supling ang sinumang tumatanggap ng ebanghelyo mula sa iyo. Mayroon ba kayong gayong mga kaisipan? Tinatrato ng maraming tao ang pangangaral ng ebanghelyo na tulad ng pagkakaroon ng bunga. Iniisip nila na sinumang tumatanggap ng ebanghelyo mula sa kanila ay magiging bunga at tagasunod nila, at na dapat silang tapat na sundin at ituring na parang Diyos at panginoon ng mga ito. Ganito ka ba mag-isip? Hindi ka man maging ganoon kasukdulan, taglay mo pa rin ang aspektong ito ng tiwaling disposisyon. Bakit ganito? Sa pangunahin, mabubuod ito sa dalawang puntong iyon: Sa isang banda, wala sa tama nilang lugar ang mga tao at hindi nila alam kung sino ba sila. Sa kabilang banda, hindi nila itinuturing ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang kanilang tungkulin. Kung ituturing mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang tungkulin mo, mauunawaan mo na kahit ano pa ang gawin mo, kahit gaano pa karaming tao ang mapangaralan mo o kahit gaano pa karaming tao ang mapabalik-loob mo, paggampan lang ito sa tungkulin ng isang nilikha, na ito ay isang responsabilidad at obligasyon na nararapat mong tuparin, at hindi ito dapat na ituring bilang isang malaking kontribusyon. Ang ganitong pagkaunawa sa usapin ay nakaayon sa katotohanan. Pero bakit nagagawang kontrolin at angkinin ng ilang taong nangangaral ng ebanghelyo ang mga tumatanggap ng ebanghelyo mula sa kanila? Ito ay dahil masyado silang likas na mapagmataas at mapagmagaling at wala sila ni katiting na pang-unawa. Dagdag pa rito, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila nalutas ang aspektong ito ng kanilang tiwaling disposisyon. Kaya nagagawa nila ang gayong mga kahangalan, kayabangan, at barbarikong bagay na kinasusuklaman ng ibang tao at kinapopootan ng Diyos.

Kapag may ginagawa ang mga tao, kapag may taglay silang kaunting kapital o kapag nagbibigay sila ng kontribusyon, gusto nila itong ipagyabang, gusto nilang kontrolin ang mga tao, gusto nilang ipalit ang mga nagawa nila para sa mga gantimpala o para magkaroon ng isang magandang hantungan. Tatangkain pa nga ng ilan na makipagkalakalan gamit ang ebanghelyo ng Diyos. Anong pangangalakal ang gusto nilang gawin? Narito ang isang halimbawa. Pagdating ng ganitong tao sa bahay ng isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at nakikita niyang mahirap ang pamilya nito, iniisip niya marahil na hindi siya makikinabang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa taong ito. Kaya naman, wala siyang interes sa taong ito o dinidiskrimina pa niya ito. Sa tuwing nakikita niya ang taong iyon, nayayamot siya, at sinasabi niya sa kanyang lider, “Hindi makasasampalataya sa Diyos ang taong iyan. At kahit manampalataya pa siya, hindi niya matatamo ang katotohanan.” Ito ang dahilang ginagamit niya para makaiwas na ipalaganap ang ebanghelyo sa taong ito. Hindi magtatagal, may ibang taong pupunta para ipalaganap ang ebanghelyo sa taong ito, at tatanggapin ng taong ito ang ebanghelyo. Paano ito maipapaliwanag ng unang tagapagpalaganap ng ebanghelyo? Paano niya nasabing hindi makasasampalataya sa Diyos ang taong ito? Bakit labis ang pagkiling niya laban dito? Paano naman niya nalaman kung makasasampalataya ang isang tao o hindi kung hindi naman niya ipinalaganap ang ebanghelyo rito? Hindi niya ito malalaman. Bakit hindi niya pinabalik-loob ang taong ito? Ito ay dahil hinusgahan na niya kaagad ang taong iyon, hinamak niya ang taong iyon, at hindi siya nagpakita ng mapagmahal na puso sa taong ito kaya nabigo siyang mapabalik-loob ang taong iyon. Sa pagganap niya ng kanyang tungkulin sa ganoong paraan, nagiging pabaya siya. Hindi siya nagpakita ng magpamahal na puso at nabigo siyang tuparin ang kanyang responsabilidad. Kapuri-puri ba ito o hindi sa paningin ng Diyos? (Hindi ito kapuri-puri.) Talagang isa itong pagsalangsang. Bakit nangyari ang pagsalangsang na ito? Hindi ba’t dahil ito sa wala siyang makuhang anumang pakinabang mula sa tatanggap ng ebanghelyo? Nang makita niyang hindi siya makikinabang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa taong iyon, naging tutol at malupit siya rito, hindi hinahayaang matamo nito ang kaligtasan, at pagkatapos ay humahanap siya ng iba’t ibang dahilan at palusot para maiwasang ipalaganap ang ebanghelyo sa taong iyon. Isa itong matinding pagpapabaya sa tungkulin at isa itong matinding pagsalangsang! Ang pagtangging ipalaganap ang ebanghelyo sa isang tao kapag walang makukuhang pakinabang—anong uri ito ng saloobin? Hindi ba’t isa itong tipikal na pagpapamalas ng isang taong nagbebenta ng ebanghelyo? (Oo.) Sa papaanong paraan niya ibinebenta ang ebanghelyo? Ipaliwanag ang mga detalye at proseso. (Nagpasya ang tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo kung gusto ba niyang ipalaganap ang ebanghelyo sa isang tao batay sa kung makikinabang ba siya mula rito. Katumbas ito ng pagtrato sa ebanghelyo ng Diyos bilang isang paninda at ibinebenta ito para makuha ang mga pakinabang na kanyang hinahangad. Nang makita niyang wala siyang anumang pakinabang na mapapala, ayaw na niyang ipalaganap ang ebanghelyo.) Itinuturing niya ang ebanghelyo ng Diyos bilang sarili niyang pribadong pag-aari. Kung may makita siyang isang taong mula sa isang mayaman at makapangyarihang pamilya na nakakakaing mabuti at nakakapagdamit nang maayos, iniisip niya, “Kung ipapalaganap ko ang ebanghelyo sa kanya, maaari akong tumira sa kanyang bahay, at makakakain din ako ng masasarap na pagkain at makapagsusuot ng maaayos na damit,” at magpapasya siyang ipalaganap ang ebanghelyo sa taong iyon. Anong uri ng ugali ito? Isa itong tipikal na halimbawa ng isang taong nagbebenta ng ebanghelyo. Tinatrato ng tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang ebanghelyo ng Diyos at ang mabubuting balita ng bagong gawain ng Diyos bilang isang paninda at bilang sarili niyang pribadong pag-aari, nililinlang at niloloko niya ang iba sa bawat pagkakataon para makakuha ng pakinabang at ng anumang bagay na kailangan niya. Paggampan ba ito sa tungkulin ng isang tao? Ang tawag dito ay pagnenegosyo at pakikinabang mula sa paglalako ng ebanghelyo. Ang ibig sabihin ng paglalako ay ang pagbebenta ng mga bagay na mayroon ang isang tao sa pamamagitan ng pangangalakal, at ang makakuha ng pera o materyal na bagay bilang kapalit nito. Paano naman nila inilalako ang ebanghelyo? Depende ito sa kung makakakuha ba sila ng mga pakinabang mula sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ang ibig sabihin nito ay, “Ipapalaganap ko sa iyo ang ebanghelyo kung kapaki-pakinabang ito sa akin. Kung wala akong mapapakinabangan mula rito, hahanap ako ng maidadahilan para hindi ko ito ipangaral sa iyo. Magiging isang kasunduan lang ito na hindi natuloy.” Bakit hindi natuloy ang kasunduang ito? Hindi ito natuloy dahil hindi makikinabang ang tagapagpalaganap ng ebanghelyo mula rito. Ano ang tawag natin sa ganitong uri ng tao? Tinatawag silang “mga naglalakbay na manggagantso.” Wala talaga silang kalidad na produkto, pero kung saan-saan sila nagpupunta upang linlangin at lansihin ang iba, ginagamit nila ang kanilang mga salita para kumita ng pera at magtamo ng mga pakinabang. Sa pangangaral ng ebanghelyo sa ganitong paraan, ginagampanan ba nila ang kanilang tungkulin? Pawang kasamaan lang ang ginagawa nila. Walang kinalaman sa paggampan ng kanilang tungkulin ang kanilang mga kilos, dahil hindi naman nila itinuturing na kanilang tungkulin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at hindi nila ito nakikita bilang kanilang responsabilidad o obligasyon, o bilang isang atas na ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Sa halip, nakikita nila ito bilang isang trabaho, isang propesyong ginagagawa kapalit ng mga bagay na kailangan nila, para mapalugod ang sarili nilang mga interes, at makamtan ang sarili nilang mga kagustuhan. May ilang tao pa nga na ayaw umalis kapag napunta sila sa mayayamang lugar para mangaral ng ebanghelyo, dahil nakakakain sila nang mabuti, nakakapagdamit nang maayos, at nakakatuloy sa magagandang lugar doon. Umiiyak sila sa harapan ng mga tumatanggap ng ebanghelyo tungkol sa kung gaano sila kahirap, “Tingnan ninyo kung gaano kayo napaliligiran ng biyaya at mga pagpapala ng Diyos dito. Ang bawat pamilya ay may kanya-kanyang kotse, nakatira sa sarili nilangmaliit pero magarang bahay, at maaayos na damit. Kumakain pa nga kayo ng karne araw-araw. Imposible iyon sa lugar na pinanggalingan namin.” Pagkatapos marinig ito, sasabihin ng mga tumatanggap ng ebanghelyo, “Dahil napakahirap ng buhay sa lugar na tinitirhan mo, halika’t manuluyan ka rito sa amin nang mas madalas,” pagkatapos, binibigyan nila ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo na ito ng ilang kagamitan. Ito ay isang palihim na anyo ng panghihingi at pangingikil ng pera at ng mga materyal na bagay mula sa mga tao. Ano ang batayan ng kanilang pangingikil? “Ipinangaral namin ang ebanghelyo ng Diyos sa inyo, at wala kaming nakuhang anumang kapalit. Natupad na namin ang atas ng Diyos. Nakatanggap kayo ng gayon kadakilang mga pagpapala, kaya dapat ninyong suklian ang pagmamahal ng Diyos at bigyan kami ng kaunting kawanggawa. Hindi ba’t nararapat naman sa amin iyon?” Sa ganitong paraan, gumagamit sila ng iba’t ibang kaparaanan para lihim, tuwiran, o di-tuwirang kikilan ang mga tao ng mga materyal na bagay at pera. Ginagamit nila ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang oportunidad para maghangad ng mga personal na pakinabang. Ang unang pagpapamalas nito ay ang pagbebenta ng ebanghelyo, na likas na pinakamalala. Ang ikalawang pagpapamalas ay ang lihim na pangingikil. Kaya naman, sa hanay ng mga taong gumaganap ng tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, hindi mapapansing tumataba ang mga bulsa ng ilang tao habang ipinapangaral nila ang ebanghelyo, at yumayaman sila. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t mabuti ang maging mayaman? Hindi ba’t pagpapala ito ng Diyos?” Kalokohan iyan! Ginagamit mo ang sarili mong mga panlalansi at panloloko para makapangikil at makapandaya ng mga tao, at pagkatapos ay palalabasin mong pagpapala ito ng Diyos. Ano ang kalikasan ng gayong mga salita? Kalapastangan ang mga ito laban sa Diyos. Hindi ito pagpapala ng Diyos. Hindi pinagpapala ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan. Kaya bakit naman lilitaw ang ganitong kaisipan sa isang tao? Bunga ito ng kanilang mga ambisyon at ng kanilang sakim, at satanikong kalikasan.

Matinding hirap ang dinaranas ng lahat ng nagpapalaganap ng ebanghelyo. Minsan ay inuusig at kinukuyog sila ng mga relihiyosong tao, o isinusuplong pa nga sa rehimen ni Satanas. Kung hindi sila masyadong maingat, malamang na maaresto sila ng malaking pulang dragon. Subalit kayang harapin nang tama ng mga nagmamahal sa katotohanan ang gayong mga bagay, samantalang ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay madalas na magrereklamo tungkol sa katiting na pagdurusa. May mga ganitong sinabi ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo: “Ipinangaral ko ang ebanghelyo sa isang tao, at matapos kong magsalita nang napakatagal, hindi man lang niya ako binigyan ng isang baso ng tubig. Ayaw ko nang mangaral sa kanya.” Problema ba na hindi sila binigyan ng isang baso ng tubig? May isang uri ng disposisyong nakatago sa mga salita ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Ipinapahiwatig nito na sulit lang ipalaganap ang ebanghelyo kapag kasiya-siya at kapaki-pakinabang ito. Kung may kasama itong pagdurusa, o kung hindi man lang sila mabigyan ng isang basong tubig na maiinom, hindi na ito sulit. May intensyong nakapaloob dito na manghingi ng isang bagay at makipagnegosasyon. Kung laging may transaksyonal na kalikasan ang paraan ng pagpapalaganap ng isang tao ng ebanghelyo, tapat ba niyang ginugugol ang kanyang sarili para sa Diyos? Kung hindi man lang niya kayang tiisin ang katiting na pagdurusang ito kapag ginagampanan ang kanyang tungkulin, at maaari siyang maging negatibo dahil lang sa isang munting bagay, kaya ba niyang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos? Sasabihin din nila, “Bukod sa hindi ako nabigyan ng anumang tubig, hindi rin nila ako pinakain ng tanghalian.” Problema ba kung hindi pinatuloy at pinakain ng isang tao ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo? Maraming taon na nilang ipinapangaral ang ebanghelyo at lagi nilang pinagtutuunan ng pansin kung paano sila inaasikaso ng mga tao, kung ano ang ibinibigay sa kanila na pagkain at inumin, at kung anong mga regalo ang natatanggap nila—bakit ganito? Hindi ba nila alam kung paano tratuhin ang mga taong nagsisiyasat ng tamang daan? Problema ito sa kanilang karakter. May kaunting pagmamahal man lang ba sila sa kanilang puso para sa mga tao? At bakit hindi pa rin nila nauunawaan ang mga uri ng pagdurusa na dapat tiisin ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo at kung paano nila dapat isagawa ang katotohanan? Bakit hindi man lang nila ito isinagawa? Problema ba kung hindi sila bigyan ng inumin o pagkain ng mga taong pinapangaralan nila ng ebanghelyo? Hindi ito isang problema. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga tao ay pagtupad sa ating obligasyon; tungkulin natin ito. Wala nang anumang karagdagang kondisyon. Hindi obligado ang mga taong pinapangaralan mo na pakainin, pagsilbihan, o ngitian ka. Hindi nila kailangang makinig sa lahat ng sinasabi mo at sundin ka. Wala silang ganoong obligasyon. Kung nagagawa mong mag-isip nang ganito, obhektibo at rasyonal iyan. Kung gayon ay magagawa mong ituring ang mga bagay na ito nang tama. Paano ba dapat pakitunguhan ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan? Hangga’t umaayon siya sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, may obligasyon tayong ipangaral ito sa kanya; at kahit pa ang kasalukuyan niyang saloobin ay hindi mabuti at hindi tumatanggap, dapat tayong maging matiyaga. Gaano katagal at hanggang saan tayo dapat magtiyaga? Hanggang sa tanggihan ka niya at hindi ka niya papasukin sa bahay niya, at kahit anong pakikipag-usap ay hindi umuubra, ni ang tawagan siya, o ang ipaimbita siya sa ibang tao, at hindi ka niya pinapansin. Kung magkaganito ay wala nang paraan para ipalaganap pa ang ebanghelyo sa kanya. Natupad mo na ang iyong responsabilidad sa kanya kung magkagayon. Iyon ang ibig sabihin ng pagganap sa iyong tungkulin. Gayunpaman, hangga’t may kaunting pag-asa, dapat isipin mo ang lahat ng paraan at gawin ang lahat ng makakaya mo para basahin ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos sa kanya. Halimbawa, sabihin nang dalawa o tatlong taon mo nang nakakaugnayan ang isang tao. Maraming beses mo nang sinubukan na ipalaganap ang ebanghelyo at patotohanan ang Diyos sa kanya, pero wala siyang intensiyong tanggapin ito. Pero medyo maganda ang pagkaunawa niya, at talagang isa siyang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ano ang dapat mong gawin? Una sa lahat, hinding-hindi mo siya dapat sukuan, sa halip, panatilihin mo ang normal na pakikipag-ugnayan sa kanya, at patuloy siyang basahan ng mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos. Huwag mo siyang sukuan; maging matiyaga ka hanggang sa huli. Balang araw, magigising siya at mararamdamang panahon na para siyasatin niya ang tunay na daan. Kaya ang pagtitiyaga at pagpupursigi ay isang napakahalagang aspekto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. At bakit dapat gawin ito? Dahil ito ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil nakikipag-ugnayan ka sa kanya, may obligasyon at responsabilidad kang ipangaral ang ebanghelyo ng Diyos sa kanya. Maraming proseso mula nang una niyang marinig ang mga salita ng Diyos at ang ebanghelyo hanggang sa oras na magbago na siya, at matagal ito. Ang yugtong ito ay nangangailangan na ikaw ay maging matiyaga at maghintay, hanggang sa araw na iyon na magbago na siya at madala mo siya sa harap ng Diyos, pabalik sa sambahayan ng Diyos. Ito ang obligasyon mo. Ano ba ang isang obligasyon? Ito ay isang responsabilidad na hindi maaaring iwasan, nakatali ang isang tao sa tungkuling ito. Kagaya ito ng pagtrato ng ina sa kanyang anak. Gaano man kapasaway o kapilyo ang bata, o kung may sakit ito at ayaw kumain, ano ang obligasyon ng ina? Dahil alam niyang anak niya ito, binibigyang-layaw niya ito, at minamahal ito, at inaalagaan itong mabuti. Hindi mahalaga kung kinikilala siya ng anak bilang ina nito o hindi, at hindi mahalaga kung paano siya tratuhin nito—nananatili pa rin siya sa tabi nito anuman ang mangyari, pinoprotektahan ito, hindi umaalis kahit saglit, palaging naghihintay na maniwala ito na siya ang ina nito at na magbalik na ito sa kanyang mga bisig. Sa ganitong paraan, palagi siyang nakabantay at nagmamalasakit sa kanyang anak. Ito ang ibig sabihin ng responsabilidad; ito ang ibig sabihin ng nakatali sa tungkulin. Kung ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay magsasagawa sa ganitong paraan, nang may kinikimkim na ganitong uri ng mapagmahal na puso para sa mga tao, maitataguyod nila ang mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, at ganap nilang makakaya na magkamit ng mga resulta. Kung lagi silang nagdadahilan at palagi nilang binabanggit ang tungkol sa kanilang mga kalagayan, hindi nila maipapalaganap ang ebanghelyo, at hindi nila magagampanan ang kanilang tungkulin. Laging mapili ang ilang taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung masyado bang maraming mga tanong at suliranin ang mga ito at kung mahina ba ang kakayahan ng mga ito, at bunga nito, hindi sila handang magdusa at magbayad ng halaga para mapabalik-loob ang mga taong ito. Pero kung ang sarili nilang mga magulang at kamag-anak ang may napakaraming suliranin at mahinang kakayahan, nagagawa pa rin nilang tratuhin ang mga ito nang may mapagmahal na puso. Hindi ba’t ibig sabihin nito ay hindi nila tinatrato nang patas ang mga tao? May mapagmahal bang puso ang mga taong ito? Mga tao ba silang nagpapakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos? Hinding-hindi. Kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, lagi silang naghahanap ng anumang dahilan at palusot batay sa mga obhektibong kondisyon para huwag ipangaral ang ebanghelyo sa mga tao, o, kahit sino pa ang makita nila, hindi kaaya-aya ang mga taong iyon para sa kanila at iniisip nilang mas hamak ang mga ito kaysa sa kanila, at pakiramdam lagi nila ay walang tao na mapapangaralan ng ebanghelyo—bunga nito, kahit isa ay wala silang napaparatingan ng ebanghelyo. May mga prinsipyo ba sa pagpapalaganap ng ebanghelyo nang ganito? Hindi man lang isinasaalang-alang ng ganitong tao ang mga layunin o ang mga hinihingi ng Diyos. Sinumang kikilala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at sinumang makatatanggap sa katotohanan ay isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, maliban na lang kung halatang masama o kakatwa silang mga tao. Kung tunay na isasaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, gagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at pakikitunguhan nila ang mga tao nang may prinsipyo. Kahit ano pa ang mga problema ng mga taong nagsisiyasat sa tamang daan o kahit gaano pa nila nabubunyag ang kanilang mga tiwaling disposisyon, hangga’t kaya nilang kilalanin at tanggapin ang katotohanan, dapat ninyong basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos at patotohanan ang gawain ng Diyos sa kanila nang walang kapaguran. Ito ang prinsipyong dapat sundin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.

Nabalitaan Ko na walang kahit kaunting pagmamahal sa kanilang puso ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Habang hinaharap ang mga kuru-kuro at katanungan ng mga nagsisiyasat sa tamang daan, makailang ulit na nakikipagbahaginan ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Pero kapag hindi pa rin makaunawa at paulit-ulit pa ring nagtatanong ang mga taong iyon, nauubusan na ng pasensya ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo at sinesermunan na nila ang mga taong iyon. “Masyado kayong maraming itinatanong. Hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan kahit gaano ko pa ito ibahagi sa inyo. Masyadong mahina ang kakayahan ninyo, wala kayong kakayahang makaarok, at hindi ninyo matamo ang katotohanan at ang buhay. Mga trabahador kayong lahat.” Hindi maatim ng ilang tao na marinig ang gayong mga salita at nagiging negatibo sila sa loob ng ilang panahon. Magkakaiba ang mga tao. Nakikita ng ilang tao na katotohanan ang mga salita ng Diyos kapag sinisiyasat nila ang tunay na daan. Kahit pa mayroon silang kaunting kuru-kuro at problema, nalulutas ang mga ito habang binabasa nila ang mga salita ng Diyos. Napakadalisay ng mga taong ito na madali nilang natatanggap ang katotohanan. Binabasa nila ang mga salita ng Diyos nang mag-isa, naghahanap, at nagsisiyasat, at kapag may nagbabahagi sa kanila, maluwag sa loob nilang tinatanggap ang tunay na daan at umaanib sila sa iglesia. Pero maraming tanong ang ibang tao. Kailangan nilang magsiyasat hanggang sa magkaroon sila ng kalinawan sa lahat ng aspeto. Kung mayroong kahit isang punto na hindi pa nila nasisiyasat hanggang sa maging malinaw ito, hindi na nila tatanggapin ang tunay na daan. Maingat at hindi padalus-dalos ang mga taong ito sa lahat ng bagay na ginagawa nila. Ang ilan sa nagpapalaganap ng ebanghelyo ay walang pagmamahal sa kanilang puso para sa gayong mga tao. Ano ang saloobin nila? “Maaari kang maniwala o hindi! Hindi ka isang malaking kawalan sa sambahayan ng Diyos, ni hindi ka rin malaking pakinabang. Kung hindi ka nananalig, umalis ka na lang! Bakit ang dami-dami mo pang tanong? Sinagot na ang lahat ng ito para sa iyo.” Ang totoo, hindi naman malinaw na sinasagot ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang mga katanungang itinatanong sa kanila ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, hindi sila malinaw na nagbabahagi sa katotohanan, hindi nila ganap na napapawi ang pagdududa sa puso ng mga taong ito, pero gusto nilang abandonahin ng mga ito ang kanilang mga kuru-kuro at tanggapin ang ebanghelyo sa lalong madaling panahon. Ito ba ay isang bagay na maaaring pilit na ipagawa sa mga tao kahit pa ayaw nila? Kung tapat na sinasabi ng isang tao na hindi niya nauunawaan, kung gayon ay dapat mo siyang basahan ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa kanyang mga problema at kuru-kuro, at pagkatapos ay magbahagi ka tungkol sa katotohanan para makaunawa siya. Gusto ng ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na alamin ang ugat ng mga bagay-bagay. Gusto ng ganitong mga tao na alamin ang lahat-lahat. Hindi ka nila pinapahirapan, hindi sila nagbubusisi o naghahanap ng butas, sineseryoso lang nila ang mga bagay-bagay. Kapag nahaharap sa gayong mga seryosong tao, hindi masagot ng ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga seryosong taong ito at nararamdaman ng mga tagapag-ebanghelyo na nagmukha silang mangmang. Dahil dito, ayaw na tuloy nilang magbahagi sa gayong mga tao, sinasabing, “Napakaraming taon ko nang ipinapalaganap ang ebanghelyo, pero hindi pa ako kailanman nagkaroon ng gayong tinik sa aking lalamunan!” Tinatawag ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang gayong mga tao na mga tinik sa kanilang lalamunan. Ang totoo, kalahati lang sa alinmang aspeto ng katotohanan ang nauunawaan ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo, nagsasalita sila tungkol sa mga engrandeng doktrina at hungkag na salita at sinusubukan nilang ipatanggap ang mga ito sa mga tao bilang ang katotohanan. Hindi ba nila ginagawang mahirap ang mga bagay-bagay para sa iba? Kung hindi nauunawaan ng iba at nagtatanong ang mga ito ng mga detalyadong tanong, hindi sila nasisiyahan, at sinasabing, “Ipinaliwanag ko na sa iyo ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos, at malinaw kong ipinaliwanag ang mga ito. Kung hindi ka pa rin makaunawa pagkatapos ng napakarami ko nang sinabi, dapat mong basahin ang mga salita ng Diyos nang mag-isa para malutas ang iyong mga kuru-kuro. Nandiyan lang ang salita ng Diyos. Kung babasahin at mauunawaan mo ito, sumampalataya ka. Kung hindi mo ito maunawaan, huwag kang sumampalataya!” Matapos marinig ito, iniisip ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, “Kung patuloy akong magtatanong, baka mawala ang pagkakataon kong maligtas at baka hindi ko matanggap ang mga pagpapala. Hindi na nga ako magtatanong, sasang-ayon na lang ako agad sa kanya at sasampalataya!” Pagkatapos, lagi nang dumadalo ang mga taong ito sa mga pagtitipon at taimtim na nakikinig sa mga sermon, at unti-unti nilang nauunawaan ang ilang katotohanan at unti-unting nalulutas ang kanilang mga kuru-kuro. Anuman ang lagay ng kanilang paniniwala sa ngayon, angkop na paraan ba ito para ipalaganap ang ebanghelyo? Masasabi bang tinupad ng mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo ang kanilang responsabilidad? (Hindi.) Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mo munang tuparin ang mga responsabilidad mo. Dapat mong sundin ang iyong konsensiya at katwiran sa paggawa ng lahat ng kaya at dapat mong gawin. Dapat kang magbigay ng mga solusyon sa mapagmahal na paraan sa anumang kuru-kuro na maaaring mayroon ang taong nagsisiyasat sa tunay na daan o sa anumang mga tanong na sabihin niya. Kung hindi ka talaga makapagbigay ng solusyon, maaari kang maghanap ng ilang nauugnay na sipi ng mga salita ng Diyos na mababasa sa kanya, o nauugnay na mga video patotoong baty sa karanasan, o ilang nauugnay na pelikula ng patotoo sa ebanghelyo na maipapakita sa kanya. Posible talaga na maging epektibo ito; kahit papaano ay matutupad mo ang responsabilidad mo, at hindi ka makakaramdam na inuusig ka ng iyong konsiyensiya. Pero kung ikaw ay pabasta-basta at iniraraos lang ang gawain, malamang na maaantala ang mga bagay-bagay, at hindi magiging madali na mahikayat ang taong iyon. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa iba, dapat tuparin ng isang tao ang kanyang responsabilidad. Paano dapat unawain ang salitang “responsabilidad”? Paano ito talaga dapat isagawa at gamitin? Dapat mong maunawaan na matapos salubungin ang Panginoon at maranasan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, may obligasyon ka na magpatotoo para sa Kanyang gawain sa mga nauuhaw sa Kanyang pagpapakita. Kaya, paano mo ipapalaganap ang ebanghelyo sa kanila? Online man o sa tunay na buhay, dapat mo itong ipalaganap sa anumang paraan na makakahikayat sa mga tao at na epektibo. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay hindi isang bagay na ginagawa mo kapag gusto mo lamang, hindi ito isang bagay na ginagawa mo kapag maganda ang timpla mo at hindi ginagawa kapag masama ang timpla mo. Hindi rin ito isang bagay na ginagawa ayon sa mga kagustuhan mo, kung saan pinipili mo kung sino ang tatratuhin nang espesyal, ipinapalaganap ang ebanghelyo sa mga gusto mo at hindi ito ipinapalaganap sa mga hindi mo gusto. Dapat ipalaganap ang ebanghelyo ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga prinsipyo ng Kanyang sambahayan. Dapat mong tuparin ang responsabilidad at tungkulin ng isang nilikha, ginagawa ang lahat ng makakaya mo para mapatotohanan sa mga nagsisiyasat sa tunay na daan ang mga katotohanang nauunawaan mo, ang mga salita ng Diyos, at ang gawain ng Diyos. Ganyan mo matutupad ang responsabilidad at tungkulin ng isang nilikha. Ano ang dapat gawin ng isang tao habang nagpapalaganap siya ng ebanghelyo? Dapat niyang tuparin ang kanyang responsabilidad, gawin ang lahat ng kanyang makakaya, at maging handang magbayad ng lahat ng halaga. Posible na sandaling panahon ka pa lang nangangaral ng ebanghelyo, na kulang ka pa sa karanasan, hindi masyadong mahusay magsalita, at walang mataas na pinag-aralan. Ang totoo, hindi naman labis na mahalaga ang mga bagay na ito. Ang pinakamahalaga ay ang pumili ka ng mga angkop na sipi mula sa salita ng Diyos at magbahagi ukol sa mga katotohanan na naaangkop at makalulutas ng mga problema. Ang saloobin mo ay dapat na sinsero at nakakaantig sa mga tao, para anuman ang sabihin mo, nakahandang lahat ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na makinig sa iyo, lalo na kapag ikinukuwento mo ang tungkol sa mga totoo mong karanasan at nagsasalita ka nang mula sa puso. Kung makukuha mo ang loob ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo nang sa gayon ay handa silang makisalamuha sa iyo, handang makipagbahaginan sa iyo, at handang makinig sa iyong patotoo, kung magkagayon, tagumpay iyon. Ituturing ka na nila bilang isang taong mapagkakatiwalaan, at magiging handa silang makinig sa lahat ng sinasabi mo, malalaman nila na mabuti at napakapraktikal ng lahat ng aspeto ng katotohanan na pinili mong ibahagi, at magagawa nilang tanggapin ang lahat ng ito. Sa ganitong paraan, madali mo silang mahihikayat. Ito ang karunungang dapat mong taglayin kung ipapalaganap mo ang ebanghelyo. Kung hindi mo matutulungan ang mga tao nang may mapagmahal na puso at hindi mo kayang maging isang taong mapagkakatiwalaan ng iba, mahihirapan ka nang husto na maipalaganap ang ebanghelyo at mahikayat ang mga tao. Bakit ba napaka-epektibo ng mga nagsasalita nang simple at hayagan, ng mga tuwiran kung magsalita at may mabubuting-loob sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Ito ay dahil gusto ng lahat ng tao ang mga ganitong tagapagpalaganap ng ebanghelyo, at handa silang makisalamuha at makipagkaibigan sa kanila. Kung nakauunawa ng katotohanan ang mga ganitong tagapagpalaganap ng ebanghelyo at nagbabahagi sila tungkol sa katotohanan sa isang praktikal at malinaw na paraan, kung kaya nilang matiyagang ibahagi ang katotohanan sa iba, lutasin ang iba’t ibang problema, paghihirap, at kalituhang mayroon ang mga tao, pasiglahin ang kanilang puso, at magdulot ng malaking kaginhawahan sa kanila, maiibigan at pagtitiwalaan sila ng mga tao sa kanilang puso, ituturing silang katapatang-loob, at makikinig ang mga ito nang kusa sa anumang bagay na sabihin nila. Kung palaging nasa pedestal ang isang tagapagpalaganap ng ebanghelyo at sinesermunan ang iba, itinuturing sila na parang mga bata at estudyante, malamang na maasar at kayamutan sila ng mga tao. Samakatuwid, ang karunungang dapat mong taglayin para maipalaganap ang ebanghelyo ay ito: Una, magkaroon ng magandang impresyon sa iyo ang iba, nagsasalita sa paraang sinasang-ayunan ng iyong mga tagapakinig. Pagkatapos nilang makinig sa iyo, dapat may matamo sila mula rito, at may makuha silang pakinabang. Sa ganitong paraan, ang pagpapalaganap mo ng ebanghelyo ay magiging maayos, walang magiging anumang hadlang, at magbubunga ito ng magagandang resulta. Bagama’t maaaring hindi tanggapin ng ilang tao ang ebanghelyo, makikita nilang isa kang mabuting tao at kusa silang makikilasalamuha sa iyo. Dapat magawa ng mga nangangaral ng ebanghelyo na makihalubilo sa mga tao. Isang magandang landas na tahakin ang magkaroon ng maraming kaibigan. Dagdag pa rito, may isa pang bagay na lubhang mahalaga. Kahit kanino mo pa ipangaral ang ebanghelyo, dapat ka munang maghanda nang mabuti. Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan, magpakadalubhasa ka sa mga prinsipyo, magkaroon ng kakayahang kumilatis ng mga tao, at gumamit ka ng matatalinong pamamaraan. Dapat mong laging isagawa ang paghahandang ito. Una sa lahat, sa mga pakikipag-usap mo sa mga taong nagsisiyasat, dapat mong maunawaan at maintindihan ang kanilang pinanggalingan, kung saang denominasyon sila kabilang, kung ano ang mga pangunahin nilang kuru-kuro, kung mga introvert ba sila o extrovert, kung kumusta ang kanilang kakayahang makaintindi, at kung kumusta ang kanilang pagkatao. Ito ang susi. Sa sandaling may mahusay ka nang kaalaman ukol sa lahat ng aspeto ng mga potensyal na tatanggap ng ebenghelyo, mas magiging mabisa ang pangangaral mo ng ebanghelyo, at malalaman mo kung paano magreseta ng tamang gamot para malutas ang kanilang mga kuru-kuro at problema. Kung mahaharap ka sa mga tukso mula sa mga masamang tao, ateista, o diyablo, mapapakiramdaman mo sila, makikilatis mo kung sino talaga sila, at mabilis mo silang matatalikdan. Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay makapagbubunyag ng iba’t ibang uri ng tao. Masusuklam ang mga masamang tao at ateista kapag narining nila ang mga ito, at ayaw na ayaw ng mga diyablo na makinig sa mga salita ng Diyos. Tanging ang mga uhaw sa katotohanan ang magiging interesado. Hahanapin nila ang katotohanan at magtatanong sila. Ganito mo makukumpirma na sila ay mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Sa sandaling makumpirma na natin ito, maaari na tayong sistematikong makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Kapag nagbabahagi tungkol sa katotohanan, ganap nating maiintindihan ang kakayahan nitong mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung gaano nila naiintindihan ang katotohanan, at ang kalagayan ng kanilang pagkatao. Sa ganitong paraan, malalaman natin kung sinong mga tao ang pagsusumikapan at kung paano ibabahagi ang katotohanan. Gaano man tayo magsikap, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung hindi mo nauunawaan at naiintindihan ang sitwasyon ng kabilang partido at hindi ka nagrereseta ng tamang gamot, hindi magiging madali na hikayatin ang mga tao. Kahit makahikayat ka man ng ilang tao, nagkataon lang ito. Ang mga nakauunawa sa katotohanan at lubos na nakakaintindi sa mga bagay-bagay ay hindi masyadong nagkakamali kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo o hindi kaya ay ganap nila itong naiiwasan. Nangangaral sila sa mga taong dapat nilang pangaralan at hindi sila nangangaral sa mga taong hindi nila dapat pangaralan. Nakagagawa sila ng tumpak na pagtatasa bago sila mangaral at nakakaiwas sila sa paggawa ng mga bagay na walang silbi. Sa ganitong paraan, nagagawa nila ang kanilang tungkulin nang mas mahusay at mas kaunti na ang nasasayang na pagsisikap, at nakakakuha sila ng magagandang resulta. Kaya, kung gusto mong epektibong maipalaganap ang ebanghelyo, sangkapan mo ang iyong sarili ng katotohanan at gawin ang kaukulang paghahanda. Paano kung may makilala kang isang relihiyosong tao na maraming alam sa Bibliya, pero hindi mo pa nabasa ang Bibliya? Ano ang maaari mong gawin? Sa pagkakataong iyon, masyado nang huli para sangkapan mo ang iyong sarili ng katotohanang mula sa Bibliya, kaya dapat mo siyang ipakilala kaagad sa isang tagapagpalaganap ng ebanghelyo na nakauunawa sa Bibliya. Ipasa mo ang taong ito sa sinumang nakauunawa sa Bibliya. Nakaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung pilit mong susubukang magpakitang-gilas sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo sa kanila, hindi tatanggapin ng taong ito ang ebanghelyo. Ang resultang ito ay bunga ng iyong pagiging iresponsable. Dagdag pa rito, dapat maglaan ka ng oras para sangkapan ang iyong sarili ng kaunting kaalaman sa Bibliya kapag hindi ka nagtatrabaho. Ang pagpapalaganap ng ebanghelyo nang wala kang anumang nalalaman tungkol sa Bibliya ay sadyang hindi uubra. Marami sa mga katanungang itinatanong ng mga nagsisiyasat ay may kaugnayan sa mga salitang nasa Bibliya. Kung nauunawaan mo ang Bibliya, maaari mong gamitin ang katotohanang mula sa Bibliya para sagutin ang mga katanungang ito. Kahit ano pa ang mga kuru-kuro ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, mahahanap mo ang mga kaugnay na talata ng Bibliya at ang mga salita ng Diyos para resolbahin ang kanilang mga kuru-kuro. Sa ganitong paraan lamang matatamo ang hinahangad na resulta. Samakatuwid, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay nangangailangan ng kaunting kaalaman ukol sa Bibliya. Halimbawa, dapat alam mo kung aling mga propesiya sa Lumang Tipan at aling mga talata sa Bagong Tipan ang nagpapatotoo sa muling pagbabalik ng Diyos at sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Dapat lalo mo pang basahin ang mga salitang ito, lalo pang pagbulay-bulayan ang mga ito, at isapuso ang mga ito. Dagdag pa rito, dapat mong maunawaan kung paano nauunawaan ng mga relihiyosong tao ang mga talatang ito sa Bibliya, pagbulay-bulayan kung paano ka magbabahagi nang sa gayon ay maakay mo sila sa isang tumpak at dalisay na pagkaunawa sa mga talatang ito, at pagkatapos ay iugnay ang mga talatang ito ng Bibliya para gabayan sila tungo sa pagkaunawa sa gawain ng Diyos sa mga huling araw. Paghahanda ba itong ginagawa mo? Ito mismo ang ibig sabihin ng paghahanda. Kailangan mong maunawaan ang mga pangangailangan ng iba’t ibang uri ng mga taong nagsisiyasat ng tunay na daan, at gumawa ng paghahanda ayon sa sitwasyon. Saka mo lamang magagawa ang lahat ng iyong makakaya at matutupad ang iyong mga responsabilidad. Responsabilidad mo ito. Sasabihin ng ilang tao, “Hindi ko kailangang gawin ang lahat ng iyon. Kailangan ko lang basahin ang Bibliya nang ilang beses. Kahit sino pa ang pangaralan ko ng ebanghelyo, iyon at iyon din ang laging sinasabi ko. Hindi nagbabago ang mga salitang ginagamit ko para ipangaral ang ebanghelyo. Gagamitin ko ang mga salitang ito at bahala na kung sumampalataya sila o hindi. Hindi tatanggap ng mga pagpapala ang mga taong hindi sumasampalataya. Hindi nila maaaring isisi iyon sa akin. Tutal, tinupad ko naman ang responsabilidad ko.” Tinupad ba nila ang kanilang responsabilidad? Ano ba ang sitwasyon ng taong nagsisiyasat, ano ba ang edad niya, antas ng edukasyon, kalagayang sibil, mga libangan, personalidad, pagkatao, sitwasyon ng pamilya, at iba pa? Wala kang alam sa mga ito, pero tumutuloy ka pa rin at nangangaral sa kanya. Wala kang ginawang anumang paghahanda at wala kang ginawang anumang pagsisikap. At nasasabi mo pa ring tinupad mo ang iyong responsabilidad? Hindi ba’t panloloko lamang ito sa mga tao? Isang pabasta-basta at iresponsableng saloobin ang ipinapakita ng ganitong pagtrato mo sa iyong tungkulin. Isa itong saloobin ng pagiging pabaya. Ipinapangaral mo ang ebanghelyo nang may gayong saloobin, at kapag hindi mo nahihikayat ang isang tao, sinasabi mo, “Kung hindi siya sasampalataya, iyon ay dahil malas lang talaga siya. At saka wala siyang espirituwal na pagkaunawa, kaya kahit sumampalataya pa siya, hindi niya matatamo ang katotohanan o hindi siya maliligtas!” Ito ay pagiging iresponsable. Iniiwasan mo ang iyong responsabilidad. Halatang hindi ka naghanda nang mabuti. Halatang hindi mo tinupad ang iyong responsabilidad, na hindi mo tapat na ginampanan ang iyong tungkulin. At nagdadahilan ka pa rin sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng pangangatwiran, sinusubukang takasan ang iyong responsabilidad sa pamamagitan ng mga salita. Anong uri ng pag-uugali ito? Tinatawag itong panlilinlang. Para makaiwas sa iyong responsabilidad, nanghuhusga ka at bumubuo ng iyong kongklusyon tungkol sa mga tao at nagsasalita ka tungkol sa mga iresponsable at walang-kwentang bagay. Tinatawag itong pagmamataas at pag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, pagtataksil at pagiging malupit. Tinatawag din itong panlilinlang. Ito ay pagtatangkang linlangin ang Diyos.

Kung ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong tanggapin ang atas ng Diyos, nang may paggalang at pagpapasakop. Dapat mong pagsikapang tratuhin ang bawat taong nagsisiyasat sa tunay na daan nang may pagmamahal at pasensya, at dapat magawa mong magtiis ng paghihirap at magpakapagod. Maging masigasig at responsable sa pagpapalaganap sa ebanghelyo, magbigay ng malinaw na pagbabahagi tungkol sa katotohanan, at abutin ang punto na nakakapagbigay ka na ng ulat ng iyong kilos sa Diyos. Ito ang saloobin na dapat taglayin ng isang tao sa pagganap sa kanyang tungkulin. Kung ang isang taong nagsasaalang-alang sa tunay na daan ay hinahanap ang katotohanan sa iyo, at binabalewala mo siya, hindi mo nagagawang masigasig na magbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at lutasin ang kanyang problema, at humahanap ka pa nga ng mga palusot, sinasabing, “Wala ako sa tamang timpla ngayon. Sinuman siya, gaano man siya nauuhaw sa katotohanan o sa pagpapakita at gawain ng Diyos, hindi ko problema iyon. Hindi nakasalalay sa akin kung mananalig siya. Kung hindi gagawa ang Banal na Espiritu, gaano mang paghahanda ang gawin ko, wala itong silbi—kaya hindi ko iyan gagawin! Nasabi ko naman na ang lahat ng katotohanang nauunawaan ko. Matatanggap man niya ang tunay na daan o hindi, nasa Diyos na iyon. Wala na akong kinalaman dito.” Anong saloobin ito? Ito ay isang iresponsableng saloobin, isang malala nang saloobin. Hindi ba’t marami ang nagpapalaganap ng ebanghelyo sa ganitong paraan? Aaabot ba sa wastong pamantayan ang gayong pagpapalaganap ng ebanghelyo? Madadakila ba nito ang Diyos at mapatototohanan Siya? Hindi ni katiting. Ang gayong pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pagganap lamang ng kaunting trabaho lamang; malayung-malayo ito sa pagganap ng tungkulin. Kung gayon, paano maipapalaganap ng isang tao ang ebanghelyo nang kasiya-siya? Sinuman ang nagsisiyasat sa tunay na daan, dapat ka munang maghanda at sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan, pagkatapos ay umasa sa pag-ibig, pasensya, pagpaparaya, at pagpapahalaga sa responsabilidad para magampanan ang tungkulin mong ito nang maayos. Maging dalisay at gawin ang lahat ng kaya at dapat mong gawin. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo sa ganitong paraan ay kasiya-siya. Kung hindi itinutulot ng mga sitwasyon na ipangaral mo ang ebanghelyo, o kung ang taong nagsisiyasat ay ayaw makinig at siya ay umalis, hindi mo ito kasalanan. Nagawa mo na kung ano ang dapat mong gawin, at hindi ka uusigin ng iyong konsiyensiya. Ibig sabihin nito ay natupad mo na ang iyong responsabilidad. Maaaring makatugon ang ilang tao sa mga prinsipyo para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, pero maaaring hindi tama ang panahon. Hindi pa ito ang itinakdang oras ng Diyos. Sa pagkakataong ito, dapat munang ipagpaliban ang gawaing pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagpapaliban ba muna ng gawain ay nangangahulugang hindi mo ipinapalaganap ang ebanghelyo sa taong iyon? Hindi ibig sabihin nito na hindi mo ipinapalaganap ang ebanghelyo, ang ibig sabihin lang ay kailangan mo lang hintayin ang angkop na panahon para gawin ito. Sino ang ibang tao na hindi dapat pangaralan? Halimbawa, kapag nagsasalita ang isang tao ng iba’t ibang wika—hindi sa loob ng isa o dalawang araw, o kaya ay isa o dalawang taon—kundi sa loob ng mahabang panahon, at kaya niyang magsalita nang ganito sa kahit anong oras at sa kahit anong lugar, ang taong ito ay isang masamang espiritu at hindi maaaring ipangaral ang ebanghelyo sa kanya. Mayroon ding mga tao na sa panlabas ay mukhang mabubuting tao, pero kapag ipinagtanong-tanong mo sila at mas naunawaan mo sila, natuklasan mong nakiapid pala sila sa maraming tao. Kung ipapalaganap ang ebanghelyo sa mga taong kagaya nito, magdudulot ito ng malaking problema. Malamang na lumikha sila ng gulo sa mga hinirang ng Diyos, kaya hindi dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Mayroon ding ilang relihiyosong pastor na nangangailangang pagtiyagaan nang husto para matanggap nila ang katotohanan. Kahit handa silang tanggapin ito, may mga kondisyon pa rin sila. Kontento lang sila kung magsisilbi sila bilang mga lider at manggagawa. Ang karamihan sa mga ganitong uri ng tao ay mga anticristo. Batay sa mga prinsipyo, hindi dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Tanging kung handa silang magtrabaho sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo at kung nagagawa nilang magpasok ng maraming tao ay saka lamang mapapahintulutang ipalaganap ang ebanghelyo sa ganitong mga tao. Kung masyadong buktot ang pagkatao ng isang tao, at alam mo na agad na siya ay buktot na tao batay lamang sa kanyang hitsura, kung gayon, hindi kailanman tatanggapin ng ganitong uri ng tao ang katotohanan at hindi siya kailanman magsisisi. Kahit makapasok pa sa iglesia ang ganitong tao, siya ay matitiwalag, kaya hindi kailanman dapat ipangaral ang ebanghelyo sa kanya. Ang mangaral sa isang taong kagaya nito ay katumbas ng pagdadala kay Satanas, pagdadala sa isang diyablo sa loob ng iglesia. Isa pang sitwasyon ang lumilitaw kapag gusto ng ilang menor de edad na manampalataya sa Diyos. Subalit sa ilang demoktratikong bansa, dapat humingi ng pahintulot sa kanilang tagapangalaga ang mga menor de edad kung gusto nilang lumahok sa buhay-iglesia at gumanap ng kanilang mga tungkulin. Huwag balewalain ang hinihinging ito. Nangangailangan ito ng makatwirang solusyon, at kailangan nito ng karunungan. Sa Tsina, hangga’t inaakay ng isa sa mga magulang ang isang menor de edad na manampalataya sa Diyos, walang anumang problema. Kung maiintindihan na ng isang kabataang hindi na menor de edad ang katotohanan at gusto niyang manampalataya sa Diyos, pero tutol ang kanyang mga magulang at nililimitahan siya, maaaring iwan ng kabataang iyon ang kanyang pamilya at pumunta sa iglesia para manampalataya at sumunod sa Diyos nang hindi napaghihigpitan at nahahadlangan ng kanyang mga magulang. Ganap na wasto ito. Kapareho ito sa sitwasyon ni Pedro nang manampalataya siya sa Diyos. Bilang kongklusyon, anuman ang sitwasyon, ipinapahintulot ang pagpapalaganap ng ebanghelyo hangga’t pinapahintulutan ito ng mga obhektibong kondisyon at hindi nito nilalabag ang batas. Kailangang harapin ang bagay na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga idinidikta ng karunungan.

Kapag ipinapalaganap ang ebanghelyo, paano magagampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang kasiya-siya? Una, dapat magawa niyang maintindihan at maunawaan ang katotohanan ukol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan ay saka lang niya tataglayin ang mga tamang pananaw, malalaman kung paano harapin ang mga mali at kakatwang pananaw, at malalaman kung paano harapin ang mga bagay-bagay at lutasin ang mga problema nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Pagkatapos, magagawa na niyang makilatis ang iba’t ibang maling pagsasagawa at ang mga pagsasagawa ng mga anticristo na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya naman, likas niyang mauunawaan kung aling mga katotohanang prinsipyo ang dapat niyang maunawaan nang lubos para magampanan niya ang kanyang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo. Para magampanan ang tungkuling ito, anong katotohanan ba ang lubhang mahalagang maunawaan muna? Dapat mong maunawaan na responsabilidad at obligasyon ng bawat hinirang ng Diyos ang ipalaganap ang mensahe ng gawain ng Diyos. Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa lahat. Ito ang pinagmulan ng tungkuling ito. Sinasabi ng ilang tao, “Wala ako sa pangkat ng ebanghelyo, kaya may ganito ba akong responsabilidad at obligasyon?” Lahat sila ay may ganitong responsabilidad at obligasyon. Kapaki-pakinabang sa lahat ang katotohanan ukol sa aspetong ito ng tungkulin. Hindi Ko alam kung may napansin kayong partikular na penomeno sa alokasyon ng iba’t ibang kawani sa iglesia. Ang ilang tao ay mga dating lider, pero napalitan sila dahil hindi sila makagawa ng praktikal na gawain. Pagkatapos mapalitan, dahil wala silang anumang taglay na kasanayan o kahusayan, hindi sila makaganap ng mga espesyal na tungkulin. Kaya sa huli, itinalaga sila sa pangkat ng ebanghelyo para ipalaganap ang ebanghelyo, o para diligan ang mga baguhan, o para gumanap ng ilang ordinaryong tungkulin. Kung hindi rin nila matutupad ang iba pang mga tungkulin sa iglesia, ano ang dapat mangyari sa kanila? Ang gayong mga tao ay hindi katanggap-tanggap at dapat matiwalag. Kaya, kung inalis ka bilang lider ng iglesia dahil sa kawalan ng kakayahan at wala kang anumang espesyal na talento o kasanayan, kung gayon ay kailangang handa kang ipalaganap ang ebanghelyo. Kung maipapalaganap mo ang ebanghelyo at magagawa mo ang iyong tungkulin bilang miyembro ng pangkat ng ebanghelyo, kung gayon, mahalaga sa iyo ang katotohanan tungkol sa kasiya-siyang pagganap ng mga tungkulin. Kung bigo kang gampanan ang iyong tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, hindi mahalaga sa iyo ang katotohanan tungkol sa kasiya-siyang pagganap ng mga tungkulin, at sa sambahayan ng Diyos, sa panahon ng gawain ng Diyos, hindi mahalaga sa iyo ang gawain ng pagganap ng isang tungkulin. Sa puso mo, dapat malinaw mong malaman ang lahat ng ipinapahiwatig nito. Kung hindi ka gumaganap ng anumang tungkulin, anong kaugnayan ang mayroon ka sa gawain ng Diyos? Samakatuwid, kahit anong uri pa ng tungkulin ang ginagampanan ng isang tao, natural na pinakamainam kung makapagpupursige siya hanggang sa huli at magagampanan niya nang mabuti ang kanyang tungkulin. Sinasabi ng ilang tao, “Ayaw kong magpalaganap ng ebanghelyo dahil lagi akong inilalapit nito sa mga estranghero. Maraming iba’t ibang masamang tao na may kakayahang gumawa ng iba’t ibang klase ng masamang bagay. Sa partikular, itinuturing na kaaway ng mga relihiyosong tao ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos sa mga huling araw at may kakayahan talaga ang mga relihiyosong tao na isuplong sila sa rehimen ni Satanas. Mas malala pa sila kaysa sa mga walang pananampalataya. Hindi ko matitiis ang sakit na ito. Maaaring patayin nila ako sa bugbog, gawin akong baldado, o ibigay ako sa malaking pulang dragon. Iyon na ang magiging katapusan ko.” Dahil hindi mo kayang tiisin ang hirap at lubhang maliit ang tayog mo, dapat gawin mo nang mabuti ang kasalukuyan mong trabaho. Iyon ang magiging matalinong desisyon. Siyempre, mas mainam kung magagampanan mo rin ang iba’t ibang tungkulin kasabay ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi lamang responsabilidad ng mga miyembro ng pangkat sa ebanghelyo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, responsabilidad ito ng lahat. Dahil narinig ng lahat mula sa Diyos ang mabubuting balita ng bagong gawain ng Diyos, may responsabilidad at obligasyon ang lahat na iproklama ang ebanghelyong ito nang sa gayon ay marami pang tao ang pumunta sa sambahayan ng Diyos matapos marinig ang mabubuting balita at humarap sa Diyos para tanggapin ang Kanyang pagliligtas. Itutulot nitong marating ng gawain ng Diyos ang kongklusyon nito sa lalong madaling panahon. Iyon ang atas ng Diyos, iyon ang Kanyang layunin.

Abalang nangangaral ng ebanghelyo sa buong maghapon ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, pero wala naman silang napapabalik-loob na kahit isa matapos ng ilang taon ng pangangaral. Ano ang nangyari? Mukha namang abalang-abala sila, at mukha ring buong ingat nilang ginagawa ang kanilang tungkulin. Kaya bakit wala silang napapabalik-loob? Ang katotohanang dapat maunawaan para sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ay katulad sa mga katotohanang dapat maunawaan para sa ibang tungkulin. Kung nangangaral ng ebanghelyo ang isang tao sa loob ng ilang taon nang walang napapabalik-loob, ibig sabihin nito ay may mga problema ang taong ito. Ano ang mga problemang ito? Ang pangunahing problema ay na hindi sila malinaw na nagbabahagi tungkol sa katotohanan ng pangitain sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Bakit hindi malinaw ang kanilang pagbabahagi? Maaaring dahil masyadong mahina ang kanilang kakayahan para dito, o maaaring dahil nagpapakaabala sila sa buong maghapon sa walang katuturang bagay kaya wala na silang oras na magbasa ng mga salita ng Diyos o magbulay-bulay tungkol sa katotohanan, at wala silang anumang nauunawaan sa katotohanan, at hindi nila kayang lutasin ang anumang kuru-kuro, maling pananampalataya, o panlilinlang. Kung parehong ganito ang kaso, matutupad ba ng taong ito ang kanyang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo? Nangangamba Akong magiging lubhang mahirap para sa kanya na makapagpabalik-loob ng mga tao. Kahit ilang taon pa siyang magpalaganap ng ebanghelyo, wala siyang makikitang anumang halatang resulta. Para maipalaganap ang ebanghelyo, dapat mo munang maunawaan ang katotohanan ng pangitain. Kahit ano pa ang itanong ng mga tao, hangga’t nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan para maging malinaw ito, masasagot mo ang kanilang mga katanungan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan ng pangitain at hindi mo kayang magsalita nang malinaw kahit paano ka pa magbahagi, kung gayon, paano mo man ipalaganap ang ebanghelyo, hindi ka magkakaroon ng mga resulta. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, dapat kang tumuon sa paghahanap sa katotohanan at sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan. Kung mas magbabasa ka pa ng mga salita ng Diyos, makikinig sa mas maraming sermon, mas magbabahagi tungkol sa katotohanan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, at laging nagsisikap sa pagbabahagi tungkol sa katotohanan ng pangitain para tunay mong maunawaan ang katotohanan ng pangitain, at para malutas mo ang mga pinakakaraniwang kuru-kuro at problema ng mga relihiyosong tao, kung gayon, makapagkakamit ka ng mga resulta, sa halip na wala ka man lang makamit na anumang resulta. Samakatuwid, ang kabiguang maunawaan ang katotohanan ng pangitain ng gawain ng Diyos ang isang dahilan kung bakit hindi nagkakaroon ng mga resulta ang mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Dagdag pa rito, hindi mo maintindihan o maunawaan ang mga katanungan ng mga nagsisiyasat sa tamang daan, at hindi mo makita ang laman ng kanilang puso para hanapin kung saan naroon ang pinakamalalaki nilang problema at para alamin ang mga pangunahing problema na nakahahadlang sa pagtanggap nila sa tamang daan. Kung hindi ka makasigurado tungkol sa mga problemang ito, hindi ka maaaring magpalaganap ng ebanghelyo o magpatotoo sa Diyos sa ibang tao. Kung isinasagawa mo lang ang pangangaral ng ebanghelyo gamit ang mga hungkag na teorya, hindi ito uubra. Sa sandaling magtanong na ang mga taong nagsisiyasat, hindi mo sila masasagot. Magagawa mo lang na basta-bastang hindi sagutin ang mga tanong na ito sa pamamagitan ng pagtatalakay tungkol sa ilang doktrina. Makapagpapabalik loob ba ng mga tao ang ganitong paraan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Tiyak na hindi. Sa maraming pagkakataon, kapag hindi kayang tanggapin kaagad ng mga nagsisiyasat ang tamang daan, ito ay dahil hindi ka nakasasagot nang malinaw sa kanilang mga katanungan. Kung ganito ang kaso, magtataka sila kung bakit ikaw, na napakatagal nang sumasampalataya, ay hindi makapagbigay ng malinaw na paliwanag sa mga katanungang ito. Sa kanilang puso, magdududa sila kung ito nga ba ang tamang daan, kaya hindi sila maglalakas-loob na sumampalataya rito o tanggapin ito. Hindi ba’t ganito ang tunay na sitwasyon? Ito ang pangalawang dahilan kung bakit maaaring hindi nakakakuha ng mga resulta ang mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Kung gusto mong ipalaganap ang ebanghelyo pero hindi mo kayang lumutas ng mga aktuwal na problema, kung gayon, hindi mo maipapalaganap ang ebanghelyo sa mga tao. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano mo malulutas ang kanilang mga problema? Samakatuwid, kung gusto mong magkamit ng mga resulta sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat pagsikapan mong hanapin ang katotohanan at lubusang unawain ang lahat ng katanungan ng mga taong nagsisiyasat. Sa ganitong paraan, masasagot mo ang kanilang mga tanong sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan. Laging naghahanap ng obhektibong dahilan ang ilang tagapagpalaganap ng ebanghelyo na maaari nilang gawing palusot, sinasabi nila, “Napakahirap pakitunguhan ng mga taong ito. Ang bawat isa sa kanila ay may tendensiyang mabaliko, at wala sa kanila ang tumatanggap sa katotohanan. Sila ay mapaghimagsik at matigas ang ulo, at lagi silang kumakapit sa mga kuru-kurong panrelihiyon.” Hindi pagsisikapang lutasin ng gayong mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo ang mga paghihirap at problema ng mga taong ito, kaya mabibigo sila sa tuwing susubukan nilang ipalaganap ang ebanghelyo. Wala silang ni katiting na pagmamahal at hindi nila kayang magtiyaga nang matagal sa tungkuling ito. Sa panlabas, para bang abalang-abala sila, pero ang totoo, kulang ang naging pagsisikap nila para sa bawat isang taong nagsisiyasat sa tamang daan. Hindi nila hinaharap ang mga katanungan ng mga taong ito nang seryoso at responsable. Hindi nila hinahanap ang katotohanan para makahanap ng solusyon, para isa-isang malutas ang mga katanungang ito, at sa huli ay mapabalik-loob ang mga taong iyon. Sa halip, iniraraos lang nila ang mga bagay-bagay. Kahit gaano pa karaming tao ang mawala sa kanila, ganoon pa rin ang ginagawa nila. Nagtatrabaho sila sa loob ng ilang araw, at pagkatapos ay magpapahinga nang ilang araw. Ano ang turing nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Itinuturing nila itong isang laro, isang uri ng interaksyong panlipunan. Iniisip nila, “Ngayong araw ay makikipagkilala ako sa ganitong uri ng mga tao at magpapakasaya kami. Bukas makikipagkilala naman ako sa ganoong uri ng mga tao, at ito ay magiging bagong karanasan at interesante.” Sa huli, wala silang sinumang mapapabalik-loob. Hindi sila kailanman nakakaramdam ng anumang pagsisisi o pananagutan sa kabiguang ito na mapabalik-loob ang sinuman. Matutupad ba nila ang kanilang tungkulin sa pamamagitan ng ganitong pagpapalaganap sa ebanghelyo? Hindi ba’t nagiging pabaya sila at sinusubukan nilang linlangin ang Diyos? Ang isang taong laging ganito magpalaganap ng ebanghelyo ay hindi tunay na gumagampan sa kanyang tungkulin dahil hindi naman niya tinupad ang kanyang responsabilidad. Pabaya siya sa lahat ng bagay. Ano pang mga dahilan ang nagdudulot ng kabiguang makapagpabalik-loob ng mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo? Sabihin mo sa Akin. (Ang hindi pagpapalaganap sa ebanghelyo ayon sa mga prinsipyo.) Nangyayari talaga na bilang lang ang mahalaga sa mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo. Hindi nangangaral ang gayong mga tao ayon sa mga prinsipyo at madalas silang bigong makapagpabalik-loob ng mga tao. Nangyayari din na sabik na pinag-aagawan ng ilang tao sa pangkat ng ebanghelyo ang mga taong potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, iniisip nila na ang taong makapagpapalaganap sa mas maraming tao ay tatanggap ng mas higit na kapurihan. Kapag nakikita sila ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na nagpapaligsahan sa ganitong paraan, hindi titibay ang mga ito. Sa halip, lilitaw ang mga kuru-kuro sa isipan ng mga ito, “Kayong mga mananampalataya sa Diyos ay hindi nagkakaisa, may inggitan at awayan sa pagitan ninyo.” Kaya’t hindi nila gugustuhing sumampalataya. Isang hadlang ito. Parte rin ba ito ng dahilan kung bakit bigo silang makapagpabalik-loob ng mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo? (Oo.) Matagal na panahong namuhay sa lipunan ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo at mapagbantay ang mga ito laban sa iba’t ibang uri ng mga tao, lalo na sa mga estranghero. Kung walang mamamagitan para ipakilala sila, magiging maingat sila kapag nakipagkilala sila sa isang tao sa unang pagkakataon. Halimbawa, kung kakakilala mo pa lang sa isang estranghero, siguradong hindi mo basta-bastang sasabihin sa kanya ang iyong pangalan, tirahan, at ang numero ng iyong telepono. Kapag naging pamilyar ka na sa kanya, kapag mas nakikilala na ninyo ang isa’t isa, kapag alam mo nang wala siyang masamang intensyon sa iyo, magiging magkaibigan kayo. Saka mo lamang ibibigay sa kanya ang mga impormasyong ito. Gayunpaman, hindi maunawaan ng ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga tao, kaya kapag nag-iingat ang mga tao laban sa kanila, tinatawag nila ang mga taong ito na mapanlinlang at buktot. Kinokondena nila ang depensibong kaisipan ng mga ito, ipinapasa sa iba ang sarili nilang responsabilidad. Hindi ba’t nag-iingat din ang mga tagapagpalaganap na iyon ng ebanghelyo laban sa mga estranghero? Bakit hindi nila kinokondena ang kanilang sarili, bagkus iniisip pa nilang matalino sila dahil sa pagiging maingat nila? Hindi patas na tratuhin ang mga tao sa ganitong paraan. Hinihingan kaagad ng ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ng kanilang personal na impormasyon pagkakitang-pagkakita pa lang sa mga ito. Kung ayaw itong ibigay ng isang tao sa kanila, hindi gugustuhin ng ganitong uri ng tagapagpalaganap ng ebanghelyo na mangaral sa taong ito. Anong uri ng disposisyon ito? Isa itong malisyosong disposisyon. Nagagalit sila at tumatangging ipangaral ang ebanghelyo dahil lang sa ayaw sumunod ng isang tao sa kanilang mga hinihingi sa gayong kaliit na bagay. Kasuklam-suklam ito! Bakit gusto mong ipangaral ang ebanghelyo sa iba? Hindi ba’t pagganap ito sa iyong tungkulin? Kung kikilos ka ayon sa gusto mo, paggawa pa rin ba ito sa iyong tungkulin? Hindi ba’t pagtatrabaho lang ito? Paano mo ba dapat ipaliwanag ang sarili mo sa Diyos? Kung hindi ka kailanman magsisisi, kokondenahin at ititiwalag ka ng Diyos. Nagdadala ka ng kapahamakan sa iyong sarili.

May nabalitaan Akong kaso kung saan may nakilalang isang taong potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang mga miyembro ng dalawang magkahiwalay na pangkat sa ebanghelyo. Pagkatapos, nagtalo-talo sila, pareho nilang sinasabi na sila ang naunang kumausap sa taong ito. Ano ang saysay na pag-awayan ito? Kamangmangan ba ito? Isang bagay ito na hindi maaaring gawin. Kaya, ano ang nararapat gawin? Kailangang sama-samang pag-usapan ng lahat ang naturang usapin. Hindi mahalaga kung sino ang naunang nakipag-usap. Kapag nalaman ninyong iisang tao lang ang nakausap ninyo, ipalaganap ninyo ang ebanghelyo nang magkasama, hatiin ang trabaho, at magtulungan kayo. Kung ang orihinal mong plano ay ang gumugol ng dalawang buwan para ihatid ang ebanghelyo sa taong ito, subukan mong gawin ito nang isang buwan lang dahil mas marami ang tao mo. Pagkatapos, dapat magbahaginan ang lahat tungkol sa mga problema at hirap ng potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, kung aling mga aspekto ng katotohanan ang kailangang hanapin ng lahat para malutas ang mga isyung ito, kung paano dapat mag-ugnayan ang dalawang pangkat, at iba pa. Ano ang layunin ng paggawa nito? Ito ay para mapabalik-loob ang taong ito at para tuparin ang iyong tungkulin. Kapag nagkakaisa ang lahat sa puso at isip, magkakasamang nagbabahaginan, at itinutuon ang lahat ng kanilang pagsisikap para sa iisang mithiin, sila ay bibigyan ng kaliwanagan at aakayin ng Banal na Espiritu. Kapag nagkakaisa sila, madaling magagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay, at matatanggap nila ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos. Subalit kung hindi ka kikilos sa ganitong paraan, kung lagi kang nakikipagkompitensya sa iba, kung laging sarili mo lang ang iniintindi mo, kung lagi mong inihihiwalay ang sarili mo sa iba, at kung mahalaga lang sa iyo na ikaw mismo ang makapagpabalik-loob sa mga tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo—nangangaral ka para sa iyong sarili, at sasarilinin ko na lang ang pagpapabalik-loob ng mga tao—matutupad mo ba ang iyong tungkulin nang may iisang puso at isip? Minsan ay nagagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang sila lang, pero sa ibang mga pagkakataon, kailangang maayos na magtulungan ang lahat para magampanan nang maayos ang gawain ng iglesia. Kung magkakanya-kanya ang bawat isa at hindi maayos na magtutulungan, magugulo nito ang gawain ng iglesia. Sino ang mananagot para dito? Mananagot ang lahat, at papasanin ng punong superbisor ang mas malaking bahagi ng pananagutan. Kapag ginulo mo ang gawain ng iglesia, bukod sa bigo kang matupad nang maayos ang iyong tungkulin, nakakagawa ka rin ng matinding kasamaan, dahilan para mapoot at masuklam sa iyo ang Diyos. Kung magkagayon, problema ang pinasok mo. Kung kokondenahin ka ng Diyos bilang isang masamang tao o isang anticristo na ginugulo ang gawain ng iglesia, magiging mas malala pa ito. Siguradong mabubunyag at matitiwalag ka, at kakailanganin mo pa ngang tumanggap ng parusa. Kung tatalikuran mo ang iyong tungkulin, ano ang katumbas nito? Mawawalan ka ng bahagi sa gawain ng Diyos at hindi mo matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Mapapabilang ka sa mga walang pananampalataya, at mawawalan ng saysay ang buhay mo. Para saan at nabubuhay ka ngayon? Ano ang halaga mo sa pangkat ng ebanghelyo? Paano mo mapagninilay-nilayan ang halaga mo bilang isang indibidwal? Dapat mong tuparin ang iyong mga responsabilidad nang may kababaang-loob, gampanan mong mabuti ang iyong tungkulin at bigyan mo ng kapanatagan ang Diyos, nang sinasabing, “Nakapagpabalik-loob ako ng ilang tao sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya. Bagama’t mahina ang aking kakayahan at ilang katotohanang realidad lang ang taglay ko, ginawa ko naman ang lahat ng makakaya ko. Ginawa ko ang aking tungkulin nang hindi sumusuko, hindi sumasama ang loob, hindi nagiging negatibo at nagpapakatamad, o sinusubukang sumikat o makinabang. Sa halip, nakaranas ako ng maraming pagkapahiya sa pangangaral ng ebanghelyo, tiniis ko ang mga pang-iinsulto at pagpapatalsik mula sa mga samahang panrelihiyon, at natulog ako sa lansangan. Bagama’t nakaranas ako ng pagkanegatibo at kahinaan, hindi ko tinalikuran ang aking tungkulin, bagkus ay nagpunyagi ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa lahat ng pagkakataon. Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa proteksyon at patnubay na ibinigay Niya sa akin.” Ito ang ibig sabihin ng tunay na tuparin ang iyong mga responsabilidad. Pagdating ng araw, magagawa mong humarap sa Diyos nang may ganitong malinis na konsensiya at maipapaliwanag mo ang iyong sarili. Marahil ay marami kang nakilalang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, pero hindi ka nakapagpabalik-loob ng maraming tao. Subalit, batay sa iyong kakayahan at mga ikinilos, napabalik-loob mo ang lahat ng taong kaya mo sa pamamagitan ng pagsisikap mo nang husto. Kung ganito ang kaso, paano ka huhusgahan ng Diyos? Ginampanan mo ang iyong tungkulin nang maayos. Ginawa mo ang abot ng iyong makakaya at ibinuhos mo ang buong puso mo para dito. Para maipalaganap ang ebanghelyo sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, pinagsikapan mong mabuti na sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan ng pangitain, at pinag-aralan mong mabuti ang mga kaugnay na talata ng Bibliya. Kinabisado mo ang mga kailangan mong kabisaduhin at isinulat ang mga bagay na hindi mo makabisado. Kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, kahit sino pa ang makatagpo mo at kahit ano pa ang itanong niya, nagagawa mong magbigay ng solusyon. Sa ganitong paraan, lalong naging epektibo ang gawain mo ng pagpapangaral sa ebanghelyo at nagawa mong makapagpabalik-loob ng mas maraming tao. Para makapagpabalik-loob ng mas maraming tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, para magampanang mabuti ang tungkuling ito at matupad ang iyong mga responsabilidad, pinagtagumpayan mo ang maraming suliranin sa iyong sarili, kabilang na ang sarili mong mga kakulangan, kahinaan, at negatibong emosyon. Napagtagumpayan mo ang lahat ng ito, at naglaan ka ng maraming oras para sa gampaning ito. Hindi ba’t kinakailangang pagtagumpayan ang gayong mga suliranin para magampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin? (Oo.) Bukod pa rito, para madala iyong mga nagsisiyasat sa tunay na daan para marinig ang tinig ng Diyos, para maunawaan at malaman ang gawain ng Diyos, at para matanggap ang tunay na daan, kailangan mong maunawaan ang mas marami pang katotohanan nang sa gayon ay makapagpatotoo ka sa gawain ng Diyos nang mas mabuti. Kahit gaano pa kalalim o kababaw ang pagbabahagi mo ukol sa katotohanan, dapat magkaroon ka ng pagmamahal at pagpapasensya. Marahil ikaw ay pinagtatawanan, iniinsulto, tinatanggihan, o hindi nauunawaan ng iyong mga tagapakinig—hindi ito mahalaga, kung mahaharap mo ito nang tama at buong-tiyaga kang makikipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, at namuhunan ka ng matinding pagsisikap at nagbayad ng malaking halaga para dito, kung gayon ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad. Sa ganitong paraan mo magagawa ang iyong tungkulin nang maayos.

Kapag ang ilang tagapagpalaganap ng ebanghelyo ay may nakilalang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na mayabang dahil sa kayamanan at katayuan sa lipunan ng kanyang pamilya, pakiramdam lagi nila ay mababang-uri sila at naaasiwa sila kapag nakatayo sila sa harapan nito. Makakaapekto ba ang pagkaasiwang ito sa pagganap mo ng iyong tungkulin? Kung nakakaapekto ito sa iyo kaya hindi mo magawa nang maayos ang iyong tungkulin at hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad, kung gayon ay hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung isipan mo lang ang naaapektuhan nito—dahilan para hindi ka maging masaya at maasiwa ka—pero hindi mo naman tinatalikdan ang iyong tungkulin o nakakalimutan ang iyong mga responsabilidad at obligasyon, kaya sa huli ay natatapos mo ang iyong gawain at nagagawa ito nang maayos, kung gayon, tunay na natupad mo ang iyong tungkulin. Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ito ang katotohanan, at dapat itong tanggapin ng lahat. Maaari ka bang malagay sa ganitong sitwasyon? Halimbawa, maaaring mababa ang tingin sa iyo ng ilang tumatanggap ng ebanghelyo dahil galing ka sa probinsya. Maaaring maliitin ka pa nga nila. Paano mo haharapin ito? Sabihin mo, “Ipinanganak akong mahirap sa probinsya, samantalang ipinanganak ka naman sa isang marangyang buhay sa lungsod. Inorden ito ng Diyos. Gayunpaman, mapagpala ang Diyos kahit saan pa tayo ipinanganak. Nabubuhay tayo sa panahong ito, at pinagpala tayong lahat dahil naabutan natin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw.” Totoo ang mga salitang ito, at hindi ito isang pagtatangkang bigyang-kapurihan ang iyong sarili. Sasabihin naman ng mga tumatanggap ng ebanghelyo, “Kung gayon, hindi ka pinagpala nang gaya namin. Natatamasa namin ang mga pagpapala ng buhay na ito at ng susunod na mundo, pero maaari lang ninyong tamasahin ang mga pagpapala ng susunod na buhay. Kaya, mas nagtatamasa kami ng mga pagpapala kaysa sa inyo.” Sasabihin mo naman, “Ang lahat ng ito ay dahil sa biyaya ng Diyos.” At dahil hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kinakailangan pa bang makipagtalo sa kanila? Kung hindi mo pinapahalagahan ang gayong mga bagay, hindi ka makikipagtalo sa kanila. Sa iyong puso, dapat maunawaan mo nang malinaw na “May tungkulin ako sa puso ko, isang pasanin sa aking mga balikat, isang misyon at obligasyon. Hindi ako makikipagtalo sa kanila tungkol doon. Pagdating ng araw na sumampalataya na sila at bumalik sa sambahayan ng Diyos, kapag mas marami nang sermon ang napakinggan nila at may nauunawaan na sila tungkol sa katotohanan, maiisip nila ang kanilang mga inasal at ikinilos ngayon at mahihiya sila.” Kung iisipin mo ito sa ganitong paraan, mabubuksan ang iyong puso. Ganito talaga ang nangyayari. Kung tunay na mahihikayat mo sila at talagang hahangarin nila ang katotohanan, kung gayon, pagkatapos nilang sumampalataya sa loob ng tatlo o limang taon, makikilala nila na hindi angkop, walang pagkatao, at di-tugma sa katotohanan na tratuhin ka nila nang gayon noong una ka nilang nakilala. Kailangan tuloy nilang humingi ng paumanhin sa iyo sa susunod na pagkakataong makita ka nila. Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, madalas mong mararanasan ang ganitong uri ng sitwasyon. Kapag nangyari ito, paano Ko haharapin ito? Hindi Ko masyadong pinapansin ang gayong mga bagay. Hindi ito isang malaking usapin. Kung iniisip mong hindi ito isang malaking usapin, hindi ka maaapektuhan ng kanilang mga salita. Tinatawag itong pagtataglay ng tayog. Kung nauunawaan mo ang katotohanan at nagtataglay ka ng katotohanang realidad, magagawa mong makilatis ang maraming kasabihan o pagsasagawa na nakakapinsala sa mga tao. Maitutuwid mo ang mga ito. Ngunit kung hindi mo makikilatis ang mga bagay na ito, tatandaan mo ang gayong mga salita at kilos sa buong buhay mo at, sa isang kisap-mata, isang salita, o kilos, maaari kang sugatan ng sinuman. Gaano kalala ang gayong mga sugat? Mag-iiwan ito ng marka sa iyong puso. Kapag nakakakita ka ng mayayamang tao, mga taong mas mataas ang katayuan kaysa sa iyo, o mga taong kagaya ng mga minsang nangmaliit sa iyo at bumatikos sa iyo, matatakot at mangingimi ka. Paano mo maaalis ang pangingiming ito? Kailangan mong makilatis ang kanilang diwa. Kahit gaano pa sila kataas, kahit ano pa ang kanilang katayuan o kalagayan, mga tiwaling tao lang sila. Walang anumang espesyal sa kanila. Kung makikita mo ito, hindi malilimitahan ang iyong puso. Sa gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, tiyak na mararanasan mo ang ganitong mga problema. Pawang pangkaraniwang problema ang mga ito. Hindi ka mauunawaan ng ilang tao o magkakaroon sila ng pagkiling laban sa iyo, o baka magpahiwatig pa nga at di-tuwirang magsalita ng mga pangit na bagay para kutyain ka. Sasabihin ng ilang tao na nangangaral ka ng ebanghelyo para kumita ng pera, para maghangad ng pakinabang, o makahanap ng karelasyon. Paano mo haharapin ang gayong mga sitwasyon? Dapat ka bang makipagtalo sa gayong mga tao? Lalo na kapag ang isang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ay mula sa isang mayamang pamilya, ano ang dapat mong gawin kung kumakain ka sa kanyang bahay at nakikita mo ang ekspresyon na iyon sa kanyang mukha? Kung hindi ka kakain sa kanilang bahay para maingatan ang iyong dignidad, kaya mo bang patuloy na ipangaral ang ebanghelyo nang walang laman ang iyong tiyan? Dapat mong pag-isipan ang bagay na ito nang ganito: “Ngayong araw, maaari akong kumain sa kanilang bahay at ipangaral ang ebanghelyo sa kanila. Maaari nilang patuluyin ang mga nagpapalaganap sa ebanghelyo. Ito ang magandang kapalaran nila.” Ang totoo, ganito talaga ang mga bagay-bagay. Ito ang magandang kapalaran nila. Hindi nila ito namamalayan, pero kailangan mong malaman ito sa iyong puso. Habang ipinalalaganap ang ebanghelyo, madalas na kahaharapin ng isang tao ang gayong mga pangungutya, panlilibak, panunuya, at paninirang-puri, o nalalagay pa nga siya sa mga mapanganib na sitwasyon. Ang ilang kapatid, halimbawa, ay tinutuligsa o dinudukot ng masasamang tao, at ang iba ay isinusumbong sa mga pulis, na siya namang ipinapasa sa pamahalaan. Ang ilan ay maaaring arestuhin at ikulong, samantalang ang iba naman ay maaari pa ngang bugbugin hanggang sa mamatay. Nangyayari ang lahat ng bagay na ito. Ngunit ngayong alam na natin ang mga bagay na ito, dapat ba nating baguhin ang ating saloobin tungkol sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? (Hindi.) Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng lahat. Anumang oras, anuman ang ating marinig, o makita, o anumang klase ang pagtrato sa atin, kailangang palagi nating panindigan ang responsabilidad na ito ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Anuman ang sitwasyon, hindi natin dapat isuko ang tungkuling ito dahil sa pagiging negatibo o sa kahinaan. Ang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo ay hindi mapayapang paglalayag, kundi puno ng panganib. Kapag nagpalaganap ka ng ebanghelyo, hindi ka haharap sa mga anghel, o mga taga-ibang planeta, o mga robot. Haharap ka lamang sa masama at tiwaling sangkatauhan, sa buhay na mga demonyo, sa mga halimaw—lahat sila ay mga taong nabubuhay sa masamang lugar na ito, sa masamang mundong ito, sila ay lubhang nagawang tiwali ni Satanas, at lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, tiyak na naroon ang lahat ng uri ng panganib, maliban pa sa walang-katuturang paninirang-puri, panunuya, at mga di-pagkakaunawaan, na madalas nang mangyari. Kung talagang itinuturing mo ang pagpapalaganap ng ebanghelyo na isang responsabilidad, isang obligasyon, at bilang tungkulin mo, magagawa mong ituring nang tama ang mga bagay na ito at mapamahalaan pa nang tama ang mga ito. Hindi mo susukuan ang iyong responsabilidad at ang iyong obligasyon, ni hindi ka lilihis mula sa iyong orihinal na layunin na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos dahil sa mga bagay na ito, at hinding-hindi mo isasantabi ang responsabilidad na ito, sapagkat ito ang tungkulin mo. Paano dapat unawain ang tungkuling ito? Ito ang halaga at pangunahing obligasyon ng buhay ng tao. Ang pagpapalaganap ng mabuting balita ng gawain ng Diyos sa mga huling araw at ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos ay ang halaga ng buhay ng tao.

Ngayon, nagbabahaginan tayo sa katotohanan tungkol sa paggampan sa tungkulin ng isang tao na ipalaganap ang ebanghelyo. May nakamit ba kayo mula rito? (Mayroon.) Dati, nakatuon sa pangitain ang ating pagbabahaginan sa katotohanan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, ibig sabihin, hayagan tayong nagbahaginan tungkol sa katotohanang may kaugnayan sa pangitain at hindi natin tinalakay ang maraming detalyadong mga isyu gaya ng ginagawa natin ngayon. Dahil may nalalaman naman ang karamihan sa mga tao tungkol sa pangkalahatang balangkas ng katotohanan ng pangitain, pero maaaring hindi malinaw sa kanila ang mga detalyadong landas sa pagsasagawa at ang mga prinsipyo para sa mga partikular na isyu, ngayon tatalakayin Ko ang mga partikular na isyung ito sa ating pagbabahagi. Sa pagbabahagi tungkol sa ilang kaso at pag-uugali ng mga tao—o sa mga tamang dapat gawin at hindi dapat gawin kapag nahaharap ang isang tao sa mga sitwasyong ito, ang mga pananaw na pinanghahawakan ng mga tao, at kung paano nila dapat tuparin ang responsabilidad na ito, ang obligasyong ito—sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa lahat ng paksang ito, palagay mo ba ay nagiging mas kongkreto at mas madaling isakatuparan ang katotohanan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo sa totoong buhay? Naniniwala Ako na, pagkatapos mapakinggan ang aspektong ito ng katotohanan, lalong magliliwanag ang inyong mga puso. Kapag nahaharap kayo sa mga partikular na problema habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, makikinabang kayo mula sa mga salitang ito dahil praktikal ang mga ito at tinatalakay ng mga ito ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi mga hungkag na salita ang mga ito. Sa pang-araw-araw ninyong buhay, kapag nahaharap kayo sa gayong mga bagay na may kaugnayan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at namumuhay kayo sa mga maling kalagayan, o kapag nahaharap kayo sa ilang problema sa inyong gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, magagamit ba ninyo ang mga katotohanang ito para lutasin ang mga problemang kinakaharap ninyo? Kung kaya mong lutasin ang gayong mga problema, hindi nawalan ng saysay ang mga salitang sinabi ngayon. Kung hindi mo pa rin kayang lutasin ang gayong mga problema, o kung ginagawa mo ang mga bagay nang ayon sa gusto mo, nagdedesisyon kang mag-isa at pinaninindigan ito, ginagawa kung ano ang gusto mo, at nagpapakasutil at nagpapadalus-dalos kung kumilos nang hindi isinasaalang-alang ang iyong mga tungkulin at responsabilidad, kung gayon ay hungkag at walang silbi sa iyo ang mga katotohanang ito. Walang silbi ang mga ito hindi dahil sa hindi ka matutulungan ng katotohanan, hindi dahil walang pakinabang sa iyo ang katotohanan, kundi dahil wala kang pagmamahal sa katotohanan at hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Nakikita mo ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo bilang isang libangan o pampalipas oras lang. Kung haharapin ninyo ang tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo nang may ganitong pananaw, ano ang mangyayari? Magagawa ba ninyong gampanan ang inyong tungkulin nang maayos? (Hindi.) Kung tila malabong pag-usapan ang tungkol sa paggampan ng inyong tungkulin sa maayos na paraan, hayaan ninyong itanong Ko muna ito sa inyo: Kung haharapin ninyo ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo nang may ganitong pananaw, maisasakatuparan ba ninyo ang layunin ng Diyos? (Hindi.) Dapat maging malinaw ito sa puso ninyong lahat. Kapag hinarap mo ang tungkuling ito nang may ganitong uri ng pananaw at saloobin, hindi magiging panatag ang puso mo. Iisipin mo na ang saloobin mo ay hindi magiging kagaya sa kung ano ang gusto ng Diyos. Kung kikilos ka nang ganito, kahit makapagpabalik-loob ka pa ng ilang tao at kahit mukhang gumagawa ka pa ng mabubuting gawa, ang mga layunin at motibo mo sa pagganap ng iyong tungkulin ay salungat sa mga katotohanang prinsipyo. Kagaya ka lang ng mga relihiyosong tao na nagpapalaganap ng ebanghelyo para makatanggap ng mga pagpapala at makipagkasunduan sa Diyos. Mali ang gayong layunin at motibasyon. Kapag isinasaalang-alang kung paano ginagampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, hinahatulan ng Diyos ang kanilang mga layunin at motibo. Pinagmamasdan ng Diyos ang mga saloobin at kaisipan ng mga tao sa kanilang pagharap sa kanilang mga tungkulin. Batay rito, nililinis ng Diyos ang mga tao mula sa katiwalian at inililigtas sila para makawala sila mula sa kasalanan. Samakatuwid, kahit paano mo pa ipalaganap ang ebanghelyo, dapat mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Kahit anong uri ka pa ng tao, kahit ano pa ang kakayahan mo, kahit anong klase pa ng tungkulin ang ginampanan mo, at kahit ano pa ang dati mong tungkulin bago ka napabilang sa hanay ng mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong sundin ang mga katotohanang prinsipyo sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong tingnan ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang tungkulin at responsabilidad mo, at pasanin ito sa iyong mga balikat.

Ang ilang lider at manggagawa na hindi makagawa ng praktikal na gawain o makalutas ng mga praktikal na problema ay pinapalitan at inaatasang ipalaganap ang ebanghelyo bilang miyembro ng pangkat ng ebanghelyo. Maaaring sabihin nila sa lahat ng taong nakikilala nila, “Dati akong lider. Ipinadala ako sa pangkat ng ebanghelyo para ipalaganap ang ebanghelyo dahil hindi ko pinagbutihan ang aking trabaho. Siguro hinahayaan ako ng Diyos na magpalaganap ng ebanghelyo para patibayin muna ako, para sangkapan ako ng katotohanan at sanayin ako. Ibig sabihin niyon, hindi ko kailangang magpakahirap masyado sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kahit anong gawin ko ay ayos lang. Dahil may potensyal naman akong maging lider. Sa sandaling lumago na ang tayog ko, dapat akong gawing isang lider. Dahil mahusay naman ang kakayahan ko, masasayang naman ang talento ko kung hindi ako magiging lider. Kulang ngayon sa mga lider at manggagawa ang iglesia!” Ipinapahiwatig ng kanilang mga salita na kailangang-kailangan sila ng sambahayan ng Diyos bilang mga lider. Sinabihan lang silang ipalaganap ang ebanghelyo para bigyan sila ng oportunidad na makapagsanay, para sangkapan sila ng katotohanan, at para magawa nila ang ilang gawain sa komunidad bilang parte ng paglilinang at pagsasanay sa kanila. Kaya, tingin nila ay pansamantala lang ang kanilang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo, ginagawa lang nila ito para pagandahin ang kanilang mga resume, para magsaya, at mapalawak ang kanilang mga oportunidad. Iniisip nila na, kung magbubunga sila ng mga resulta sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kung mauunawaan nila ang katotohanan, at makagagawa sila ng ilang gawain, matataas sila ng ranggo para maglingkod bilang lider o manggagawa. Kung magkakaroon sila ng ganitong kaisipan patungkol sa paggampan nila ng kanilang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo, makakamit ba nila ang tunay na pagsisisi? Hindi sila nagnilay-nilay sa kanilang sarili at hindi nila nakilala ang kanilang sarili. Wala silang kabatiran sa sarili. Nasa panganib ba ang mga taong ito? Hindi tama ang pagkaunawa nila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Masyadong mataas ang tingin nila sa kanilang sarili; hindi talaga nila kilala ang kanilang sarili! Wala silang kamalay-malay sa kung ano talaga ang mga nangyayari. Sa katunayan, nangyari ito dahil hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan at wala silang anumang kakayahang makaarok. Kung titingnan, mahusay silang magsalita, gustung-gusto nilang nag-aasikaso ng mga bagay-bagay, at mukhang may kakayahan naman sila, pero kapag nagsisilbi sila bilang mga lider at manggagawa, hindi sapat ang kanilang karakter at kakayahan. Hindi sila makatugon sa mga pamantayan at batayan para maging mga lider at manggagawa, kaya natitiwalag sila. Hindi nila alam ang sarili nilang maliit na sukat, sa halip, hindi na sila nahiyang ipagyabang at ipangalandakan ang kanilang sarili. Bagama’t hindi ito kailanman sasabihin ng ilang tao, sa sarili nilang palagay naniniwala sila na tanging ang mga taong walang ibang kayang gawin ang inilalagay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa kanilang puso, hinahati nila ang lahat ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos bilang mataas, panggitna, at mababa. Itinuturing nilang pinakamababa sa lahat ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Sinumang gumagawa ng pagkakamali o hindi gumagampan ng kanilang tungkulin nang maayos ay ipinapadala para ipalaganap ang ebanghelyo. Ganito ang pagkakaintindi ng mga taong ito sa tungkuling ito. May anumang pagkakaiba ba sa pagitan ng pagkaunawang ito at ng pagturing sa pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang responsabilidad at obligasyon ng isang tao na dapat niyang tuparin sa kanyang buhay? Kung ganito ito nauunawaan ng isang tao, magagawa ba niya ang kanyang tungkulin nang maayos? (Hindi.) Saan siya nagkamali? Itinuturing niya ang pinakadakilang responsabilidad at obligasyon ng isang tao na dapat nitong tuparin sa buhay nito—ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo—bilang pinakamababang gawain. Hindi niya ito itinuturing bilang sarili niyang responsabilidad at obligasyon, at hindi niya ito nauunawaan bilang isang tungkulin. Kahit gaano pa ibahagi ng sambahayan ng Diyos ang tungkol sa pangangailangang gampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang matapat at na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ay isa sa mga tungkuling ito, hindi niya kinikilala na ganito ang kaso. Sa kanyang puso, naniniwala siya na ang iba’t ibang antas ng mga lider, manggagawa, at mga taong namumuno sa sambahayan ng Diyos ay nasa taas. Ganap ang kanilang awtoridad at siguradong tatanggap sila ng mga dakilang gantimpala at gagawin silang perpekto ng Diyos sa huli. Ang mga tagasunod sa ilalim nila ay mga kawal lamang, lalo na ang mga tagapagpalaganap ng ebanghelyo na laging nakikisalamuha sa mga tao sa labas ng iglesia. Sa lahat ng trabaho, maaaring ang gawain nila ang pinakamahirap at pinakanakakapagod. Sa huli, hindi mo masasabi nang may katiyakan kung mapeperpekto ba ang mga taong ito. Kasalanan ba nila na ganito ang kanilang pag-iisip tungkol sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? May mga nagtuturing ba sa sagradong responsabilidad at obligasyong ito ng pagpapalaganap sa ebanghelyo bilang pinakamababang gampanin at inilalagay ito sa pinakamababang antas sa herarkiya ng mga ranggo at baitang? Mababa ang tingin nila sa tungkuling ito, at sa mga gumaganap nito. Kaya anong pananaw ang dala-dala nila kapag tinutupad nila ang tungkuling ito? (Pansamantala ang tingin nila rito.) May iba pa ba? Kapag may napabalik-loob sila, hindi nila ito masyadong pinapahalaghan, at kapag bigo naman silang makapagpabalik-loob, wala silang pakialam. Hindi nila kinikilala ang pagpapalaganap sa ebanghelyo bilang bahagi ng kanilang sariling gawain at hindi nila ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya para gampanan ang tungkuling ito nang maayos. Sa kanilang puso, mababa ang tingin nila sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, kaya ano ang magiging resulta ng kanilang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Kaya ba nilang sangkapan ang kanilang sarili ng lahat ng aspekto ng katotohanan para matupad ang kanilang tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo? Para makapagpabalik-loob pa ng mas maraming tao, kinakabisa ba nila ang mga sipi mula sa salita ng Diyos at ang mga talata sa Bibliya at pinag-aaralan ba nila ang samu’t saring mga patotoong buhat sa karanasan nang sa gayon ay malutas nila ang iba’t ibang problemang nakakaharap nila kapag ipinapalaganap ang ebanghelyo? (Hindi.) Kung habang ipinapalaganap ang ebanghelyo, tinatanong sila ng mahihirap na katanungan ng mga taong may baluktot na pagkaarok at maraming kuru-kuro na pinanghahawakan, paano nila haharapin ang mga ito? (Susukuan nila ang mga ito.) Isa itong uri ng saloobin. Magrereklamo ba sila sa Diyos at sasabihing, “Bakit kinailangan kong makilala ang gayong katawa-tawang tao na walang kahit anong espirituwal na pang-unawa kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo? Napakamalas ko naman!”? Wala silang pagmamahal para sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, at umaasa silang hindi ililigtas ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Patungkol sa bagay na ito, hindi sila nananalangin sa Diyos, ni hindi nila hinahanap ang mga layunin ng Diyos, lalong hindi sila nagpapakita ng anumang pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Sila ang nagpapasya kung paano nila tatratuhin ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ayon sa mga kagustuhan ng laman, at kapag nahaharap sila sa mga taong maraming problema at malubhang kuru-kuro, sinusukuan nila ang mga ito. Pinipili lang nilang ipalaganap ang ebanghelyo sa mga taong may kaunting kuru-kuro o wala talagang kuru-kuro, at ayaw nilang magbayad ng anumang halaga. Sa tuwing may bagay na makakasama sa kanilang banidad o dignidad, o sa kanilang reputasyon o katayuan, sa tuwing may bagay na sumasalungat sa mga kagustuhan ng laman o sa mga kasiyahan ng laman, ano ang pinipili nilang gawin? Pinipili nilang sumuko, pinipili nilang tumakas, pinipili nilang huwag tuparin ang responsabilidad na ito, bagkus ay tinatanggihan nila ang responsabilidad na ito. Kasabay nito, sa loob-loob nila ay nagrereklamo sila sa Diyos sa kanilang puso, “Bakit kinailangan kong makilala ang gayong katawa-tawang tao na may napakaraming kuru-kuro? Bakit Mo ipinaparanas sa akin ito? Wala na akong mukhang maihaharap, nasayang ang pagod ko, at nabigo akong makapagpabalik-loob ng sinuman.” Lihim na punung-puno ng hinanakit ang kanilang puso sa Diyos. Kaya naman ayaw nilang tanggapin ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, at ayaw rin nilang tuparin ang responsabilidad ng pagpapalaganap sa ebanghelyo; kung ganito ang kanilang mga saloobin patungkol sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, hindi malayong matiwalag sila.

Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, tinatrato ng marami sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ang kanilang gawain nang may saloobing pabaya at walang-ingat. Hinding-hindi sila nagbabago. Hindi nila ito kailanman tinatrato nang may saloobing maingat, mahinahon, at may takot sa Diyos. Sa halip, iniisip nila, “Ano’t anuman, wala naman akong ginagawa, maaari kong gawin ang anumang bagay. Mukhang masaya sa pangkat ng ebanghelyo, kaya sasali ako sa kanila.” Pagkatapos, sumasama sila at ipinapalaganap nila ang ebanghelyo. Ang totoo, napakalimitado ng naiaambag nila sa prosesong ito. Nagpapalipas sila ng oras at naglalakbay nang kaunti, pero hindi sila nagbabayad ng anumang totoong halaga. Lagi nilang ipinapangaral ang ebanghelyo ayon sa mga kagustuhan ng kanilang laman at ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Hindi man lang nila sinusunod ang mga katotohanang prinsipyo. Maraming tao ang gustong mangaral sa mga mayaman at taong may pera, pero hindi sa mahihirap. Gusto nilang mangaral sa mga maganda at guwapo, pero hindi sa mga taong payak ang hitsura. Gusto nilang mangaral sa mga taong nakakasundo nila, pero hindi sa mga taong hindi nila kasundo. Gusto nilang mangaral sa mga taong kakaunti ang mga kuru-kuro, pero hindi sa mga taong masyadong marami ang mga kuru-kuro. Gusto nilang mangaral sa mga taong madaling paratingan ng ebanghelyo, sa mga taong tatanggap sa ebanghelyo nang hindi kailangang makinig sa masyadong maraming salita. Ayaw nilang mangaral sa mga taong nakakapagod na kausap. Halimbawa, sabihin nang may isang babaeng nagpapalaganap ng ebanghelyo at may nakilala siyang isang lalaki na mula sa isang may-kayang pamilya, may bahay at sasakyan, may magagandang trabaho ang mga magulang, nag-iisang anak, at guwapo. Iniisip niyang makakapamuhay siya nang marangya kung mapapangasawa niya ito, kaya gusto niyang ipangaral ang ebanghelyo sa lalaking ito, iniisip na magiging mainam kung tatanggapin ito ng lalaking iyon. Sinusubukan siyang pigilan ng ibang tao, sinasabi ng mga ito sa kanya na hindi hinahanap ng lalaking iyon ang katotohanan, na hindi iyon isang taong maaaring pangaralan, pero sinasabi naman niya, “Kung mas magbabahagi pa tayo tungkol sa katotohanan, posibleng dumating ang panahon na tatanggapin niya ito. Kung hindi natin dadalhin ang ebanghelyo sa gayon kabuting tao at hindi siya ililigtas, hindi ba’t makalalabag iyon sa mga layunin ng Diyos?” Ang totoo, may sarili siyang layon. Hindi niya sinusubukang mapabalik-loob ang taong ito para madala ito sa harapan ng Diyos, kundi gusto niyang ibenta ang kanyang sarili sa taong ito. Matapos ang maraming pang-uudyok, nakukuha rin niya sa huli ang talagang pakay niya, at nagagawa niyang makipagrelasyon sa lalaking iyon para matupad ang kanyang mga balak. Ano ang problema rito? Sa lahat ng ginagawa niya, may sarili siyang mga motibo, na nakalalabag sa mga katotohanang prinsipyo. Sa huli, gumagamit siya ng iba’t ibang kaparaanan para “dalhin” ang ebanghelyo sa lalaking iyon, at pinakasalan pa nga niya ito, sinasabi niya, “Ang pinakamagandang nakamit ko sa gawain ko ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ay ang mahanap ang gayong kaisa ng aking kaluluwa. Isa itong bagay na dapat kong tanggapin mula sa Diyos. Ang pag-aasawa ay inorden ng Diyos. Ganap na pagsasaayos ng Diyos na nakilala at pinakasalan ko ang taong ito. Ito ay pabor at pagpapala ng Diyos.” Kalaunan ay bumuo siya ng isang maliit na pamilya at namuhay nang masaya—nagagawa pa rin ba niyang ipalaganap ang ebanghelyo? (Hindi.) Pagkaraan ng isa o dalawang taon, nagpapalaganap siya ng ebanghelyo paminsan-minsan kapag masaya ang pakiramdam niya, pero ginugugol niya ang halos lahat ng kanyang oras sa buhay pamilya, at unti-unti nang nagiging hungkag ang kanyang puso. Sa huli, napagtatanto niya na pawang mga kaldero at kawali, pagkain, pag-inom, paglalaro, at komosyon lang ang mayroon sa buhay may-pamilya. Pakiramdam niya ay walang kabuluhan ang lahat ng ito. Sa pagbabalik-tanaw, nagbubulay-bulay siya at naisip niya, “Ang pananampalataya sa Diyos—makabuluhan pa rin iyon. Hayaan ninyo akong bumalik at manampalataya ulit at patuloy na ipalaganap ang ebanghelyo!” Sa huli, ikinukuwento na niya ang kanyang mga karanasan na parang kahanga-hanga ang mga ito, sinasabi niya: “Ang tao ay nilikha ng Diyos, kaya hindi niya maaaring iwan ang Diyos. Kung wala ang Diyos, hindi mabubuhay ang tao. Katulad lang ng kung paanong mamamatay ang isang isda kung walang tubig, kung iiwan ng tao ang Diyos, tiyak na hindi siya magkakaroon ng daan pasulong sa kanyang buhay. Ito ang dahilan kaya ako bumalik. Ito ay dahil tinawag ako ng Diyos.” Wala talagang kahihiyan! Matapos bumalik, iginigiit niya na gagampanan niya ang kanyang tungkulin, na sinasabing, “Walang kabuluhan kung hindi ko gagawin ang aking tungkulin. Kailangan gawin ng lahat ang kanilang tungkulin.” Ang mga salita ng mga taong hindi nagsasagawa sa katotohanan at walang pagmamahal sa katotohanan ay nakakasuklam sa mga taong nakakarinig ng mga ito. Sinasabi mong hindi mo kayang iwan ang Diyos, bakit hindi mo kaya tanungin ang Diyos kung gusto ka ba Niya? Nakahanap ka ng mapapangasawa sa proseso ng paggampan sa iyong tungkulin, at pagkatapos ay binitiwan mo ang iyong tungkulin at umalis ka. Bakit hindi ka nanalangin sa Diyos para tanungin Siya kung sang-ayon ba Siya rito at para alamin ang Kanyang saloobin? Tinupad mo ba ang iyong mga responsabilidad? Tinupad mo ba ang atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos? Tinrato mo ba ang Diyos bilang Diyos? Tinuring mo ba ang iyong tungkulin bilang iyong tungkulin? Sa lahat ng katanungang ito, ang sagot ay hindi. Ano ba ang Diyos sa iyo? Isa lang Siyang kasama na nakilala mo sa tabi ng kalsada. Binati mo Siya at inisip mo kaagad na magkaibigan kayo. Kung makabubuti ito sa iyong interes, patuloy kang sasama sa Kanya, pero kung wala itong pakinabang sa iyo, nagpapaalam ka na. Pero naiisip mo Siyang muli kapag kailangan mo Siya. Ganito ang klase ng relasyon na mayroon ka. Kung itinuturing mo ang Diyos bilang isang kasama na dati mong kakilala, ano ang iisipin ng Diyos sa iyo? Paano ka tatratuhin ng Diyos? Nalulungkot ka, walang kabuluhan ang mga araw mo, kaya kailangan mo ang Diyos. Bumabalik ka at gusto mong tuparin ang iyong tungkulin. Basta ka na lang ba bibigyan ng Diyos ng tungkulin? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi ka karapat-dapat dito! Bagamat magagampanan agad ng mga ganitong tao ang kanilang mga tungkulin pagkaraan na sila ay manampalataya sa Diyos, bago pa nila matapos ang kanilang mga tungkulin, iiwan na nila ang Diyos nang wala man lang paalam, iiwan nila ang kanilang mga gampanin at tatalikuran ang kanilang gawain. Paano ba ito tinitingnan ng Diyos? Ano ang kalikasan ng ganitong asal? (Isang pagkakanulo.) Hindi isang maliit na usapin ang pagkakanulo. Ang gayong mga tao ay lumilisan sa kanilang gawain! Paano ba ginagampanan ng mga lumilisan sa kanilang gawain ang kanilang mga tungkulin? Sarili nilang interes ang hanap nila habang kunwaring tumutupad ng kanilang tungkulin. Nagpaplano sila para masiguro ang kanilang sariling kinabukasan at kabuhayan habang nilalabag naman ang orihinal na layunin sa pagganap ng kanilang mga tungkulin. Sa huli, tumatakas sila sa gitna ng pagganap ng kanilang tungkulin, kaya sila nagiging mga taong lumilisan sa kanilang gawain. Hindi ginugugol ng gayong tao ang kanyang sarili para sa Diyos nang may tapat na puso. Sa halip, may sarili siyang mga personal na layunin at pakay at pagtatangkang linlangin ang Diyos, lubusang nabubunyag ang tunay niyang kulay. Hindi ba’t mga tao itong nagkakanulo sa Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t may kalayaang maglabas-masok sa sambahayan ng Diyos?” May kalayaang maglabas-masok, totoo iyon, pero dapat sumailalim sa pagsusuri ang isang tao kapag papasok sa sambahayan ng Diyos. Malaya kang umalis sa sambahayan ng Diyos at walang pipigil sa iyo. Subalit, kung gusto mong bumalik sa sambahayan ng Diyos, hindi ito ganoon kadali. Dapat kang suriin at siyasatin ng mga lider at manggagawa ng iglesia sa lahat ng antas para mapatunayan na tunay nga ang iyong pagsisisi. Pagkatapos niyon ay saka ka lamang tatanggapin. Kaya, madaling lumabas, pero mahirap namang bumalik. Nabalitaan Ko na nahirapan nang husto ang ilang tao na ipalaganap ang ebanghelyo at labis silang nagdusa kaya binitiwan nila ang kanilang pasanin at umalis na lang sila. Ano ang problema rito? Ito ay na mga tao sila na lumilisan sa kanilang gawain. Ano ang pinakamahalaga kapag tinatrabaho ang pagpapalaganap ng ebanghelyo? Lahat ng nagpapalaganap ng ebanghelyo, lalo na ang mga taong responsable para sa mahahalagang posisyon, ay may mahalagang gampanin sa paningin ng Diyos. Kung mahalaga ang ginagampanan mong papel sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at tinalikuran mo ang iyong gampanin nang walang pahintulot mula sa Diyos, wala nang mas matindi pang paglabag kaysa rito. Hindi ba’t ito ay maituturing na pagkakanulo sa Diyos? (Oo.) Kaya, sa tingin mo, paano dapat tratuhin ng Diyos ang mga tumatalikod? (Dapat silang isantabi.) Ang maisantabi ay nangangahulugan ng mabalewala, bahala ka nang gawain kung ano ang gusto mo. Kung nakakaramdam ng pagsisisi ang mga taong isinasantabi, posibleng makita ng Diyos na may saloobin naman silang nagsisisi at nanaisin pa rin Niyang magbalik sila. Pero para naman sa mga tumatalikod sa kanilang tungkulin—at sa mga taong ito lamang—walang ganitong saloobin ang Diyos. Paano tinatrato ng Diyos ang gayong mga tao? (Hindi sila inililigtas ng Diyos. Itinataboy sila ng Diyos.) Tama iyan. Mas saktong sabihin na ang mga taong gumaganap ng mahalagang tungkulin ay inatasan ng Diyos, at kung tatalikuran nila ang kanilang gampanin, kahit gaano pa sila kahusay noon o ngayon, para sa Diyos, sila ay mga taong nagtaksil sa Kanya, at hinding-hindi na sila ulit bibigyan ng pagkakataong gumanap ng tungkulin. Ano ba ang ibig sabihin ng hindi na mabigyan ng isa pang pagkakataon? Kung sinasabi mo na, “Lubos akong nagsisisi. May pagkakautang ako sa Diyos. Hindi ko dapat ginagawa ang gayong desisyon sa simula pa lang. Nang panahong iyon, ginayuma at iniligaw ako, at pinagsisisihan ko na ito ngayon. Nagsusumamo ako sa Diyos na bigyan ako ng isa pang pagkakataon para gampanan ang aking tungkulin para magkaroon ako ng oportunidad na makapagsisi sa nagawa ko sa pamamagitan ng mabubuting gawa at para makabawi sa mga pagkakamali ko,” paano haharapin ng Diyos ang usaping ito? Dahil sinabi na ng Diyos na wala ka nang oportunidad, hinding-hindi ka na Niya papansinin. Ito ang saloobin ng Diyos sa mga lumilisan sa gawain. Kapag kinakaharap ang mga taong nakakagawa ng mga karaniwang pagsalangsang, maaaring sabihin ng Diyos na ito ay panandaliang pagsalangsang o na dahil ito sa masamang kapaligiran, maliit na tayog, kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan, o iba pang gayong kadahilanan. Sa ganitong kaso, maaaring bigyan sila ng Diyos ng oportunidad na makapagsisi. Gayunpaman, sa mga lumilisan lamang sa gawain, hindi nagbibigay ang Diyos ng pangalawang pagkakataon. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ang ibig sabihin na hindi nagbibigay ang Diyos ng pangalawang pagkakataon? Kung gusto nilang gampanan ang kanilang tungkulin, hindi ba ito papayagan ng Diyos?” Maaari mong gampanan ang iyong tungkulin, maaari mong ipalaganap ang ebanghelyo, maaari ka ring makinig sa mga sermon at umanib sa iglesia. Hindi aalisin ng iglesia ang iyong pangalan mula sa talaan nito, pero para sa Diyos, kahit gaano mo pa gampanan ang iyong tungkulin at gaano ka pa magsisi, hindi ka kailangan ni sinasang-ayunan ng Diyos, kahit na nagtatrabaho ka para sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos. Posibleng bigong maunawaan ng ilang tao ang usaping ito at sasabihin nila, “Bakit naman napakalupit at higpit ng Diyos kapag humaharap sa ganitong uri ng tao?” Hindi na kailangan pang maunawaan ng tao ang bagay na ito. Disposisyon ito ng Diyos. Ito ang saloobin ng Diyos. Maaari mong isipin kung ano ang gusto mo. May kapangyarihan ang Diyos na magdesisyon. May kapangyarihan Siyang kumilos sa ganitong paraan at harapin nang ganito ang naturang bagay. Ano ang magagawa ng sinumang tao? Makapagpoprotesta ba ang mga tao? Sino ang may sabi sa iyo na huwag sumunod sa tamang landas noong una pa lang, na ipagkanulo mo ang Diyos at maging isa kang taong lumisan sa gawain? Hindi magagawa ng isang tao lang ang gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, nangangailangan ito ng maraming tao. Kung hindi mo magagampanan ang iyong tungkulin, pipili ang Diyos ng ibang tao na kaya ito. Kung hindi ka makikipagtulungan at hindi mo gagampanan ang iyong tungkulin, pinatutunayan nito na bulag ka. Pinatutunayan nito na magulo ang isip mo at hangal ka. Hindi mo alam na isa itong pagpapala, kaya hindi mo matatamo ang pagpapalang ito. Umalis ka na lang! Kung aalis ka pero babalik pagkaraan ng ilang panahon, gugustuhin ka pa rin kaya ng Diyos? Hindi, wala nang pakialam ang Diyos. Ito lamang ang saloobin ng Diyos sa mga lumilisan sa gawain. May mga taong nagsabi, “Pagkatapos kong bumalik at gampanan ang aking tungkulin, binigyan ako ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu!” Noong una mong ginampanan ang iyong tungkulin, umalis ka nang walang paalam, at hindi ka hinadlangan ng Banal na Espiritu. Ngayong nagbalik ka, mabibigyan ka pa rin ba ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu? Huwag kang masyadong magpadala sa iyong mga sentimiyento. Hindi gagawa ang Diyos ng anumang bagay na labag sa Kanyang mga hangarin, at may mga prinsipyo Siya kapag hinaharap Niya ang lahat ng tao. Ano ang babala rito para sa mga tao? Dapat kang magpunyagi sa iyong tungkulin, magpakatatag, at tuparin ang iyong mga responsabilidad. Masyado bang sukdulan ang saloobin ng Diyos sa mga gayong lumilisan sa gawain? (Hindi.) Bakit mo naman nasabing hindi? Paano mo nauunawaang hindi ito masyadong sukdulan? Kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan ng isang tao, sa kasalukuyang panahon, may kaugnayan ba ang bawat tungkuling ginawa ng bawat tao sa bagay na iyon na inorden ng Diyos? Magkaugnay na magkaugnay ang mga ito. Kung titingnan ito sa ganitong paraan, kung nagagawa mong gampanan ang iyong tungkulin, nangangahulugan bang marami nang ginawa ang Diyos? Itinadhana ka na ng Diyos mula pa nang likhain ang mundo. Itinadhana na Niya ang taon at kapanahunan kung kailan ka ipapanganak, ang uri ng pamilya kung saan ka isisilang, ang impluwensiya ng pamilya mo sa iyo, ang tungkuling iaatas sa iyo ng Diyos na gampanan mo, at ang mga bagay-bagay na itinulot na matutuhan mo nang mas maaga. Halimbawa, kung may natutunan kang isang banyagang wika, taglay mo na ngayon ang kakayahang ito, ang talentong ito, na makakatulong para matagumpay mong magampanan ang iyong tungkulin. Maraming ginawang paghahanda ang Diyos. Ano ang layon ng Diyos sa paggawa ng gayong mga paghahanda? Para ba mamukod-tangi ka mula sa karamihan? Para ba mahangad mo ang mundo at mapagsilbihan si Satanas? Siyempre hindi! Gusto ng Diyos na ihandog mo sa sambahayan ng Diyos, sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at sa plano ng pamamahala ng Diyos ang mga bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos. Subalit, kung hindi mo maihahandog ang mga bagay na ibinigay sa iyo ng Diyos, sa halip ay pinagsisilbihan mo si Satanas, ano ang mararamdaman ng Diyos? Paano ito haharapin ng Diyos? Paano ba ito dapat harapin ng Diyos nang ayon sa Kanyang disposisyon? Sisipain ka ng Diyos palayo sa Kanya. Ayaw Niya sa iyo. Kinakalimutan mo ang Kanyang kagandahang-loob at sinisira ang Kanyang tiwala. Hindi ka kumikilala o bumabalik sa Lumikha sa iyo. Hindi mo iniaalay sa Diyos ang mga bagay na ibinigay ng Diyos sa iyo, sa halip ay iniaalay mo ito kay Satanas. Isa itong matinding pagkakanulo, at ayaw ng Diyos sa gayong traydor!

Sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, ang kakayahang taglay ng bawat tao ang dahilan kaya nagagampanan nila ang tungkuling nararapat nilang gawin. Bukod dito, ang karanasan at kaalamang natatamo nila pagkatapos manampalataya sa Diyos pati na ang mga katotohanang nauunawaan nila ay dapat gamiting lahat para gampanan ang kanilang tungkulin. Sa ganitong paraan lamang maibibigay ng mga tao ang kanilang munting pagsisikap para sa gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Ano ba ang munting pagsisikap na ito? Ito ang tungkuling dapat gampanan ng isang tao. Pinapayagan ka ng Diyos na maunawaan ang katotohanan at magtaglay ng katalinuhan at karunungan para matupad mo nang maayos ang iyong tungkulin. Ito ang halaga at kahulugan ng buhay mo. Kung hindi mo isinasabuhay ang halaga at kahulugang ito, pinatutunayan nitong wala kang anumang natamo mula sa pananampalataya mo sa Diyos. Naging isang walang kwentang basura ka sa sambahayan ng Diyos. Kung si Satanas at ang laman ang isinasabuhay mo, gugustuhin ka pa rin ba ng Diyos? Nawala na ang halaga at kahulugan ng buhay mo. Sa tingin ng Diyos, dapat maglaho ka na lang mula sa Kanyang sambahayan, maglaho magpakailanman. Ayaw na Niya sa iyo. Bukod dito, sa panahon ng pagpapalawak ng gawain ng pamamahala ng Diyos, lahat ng sumusunod sa Diyos ay gumaganap ng kani-kanilang tungkulin, at napagdaanan na nilang lahat nang ilang beses ang panunupil at malupit na pang-uusig ng malaking pulang dragon. Ang landas ng pagsunod sa Diyos ay malubak at hindi patag, at lubhang mahirap ito. Naranasan na mismo ito ng sinumang mahigit dalawa o tatlong taon nang sumusunod sa Diyos. Ang tungkuling ginagampanan ng bawat tao, pamalagian man itong tungkulin o pansamantala lang, ay mula sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Maaaring maaresto nang madalas ang mga tao, at maaaring maabala at masira ang gawain ng iglesia, at maaaring magkaroon ng kakulangan sa mga taong gumaganap ng mga tungkulin, lalo na sa mga may mahuhusay na kakayahan at propesyonal na kasanayan, na kabilang sa minorya, pero dahil sa pangunguna ng Diyos, dahil sa Kanyang kapangyarihan at awtoridad, nakabangon na ang sambahayan ng Diyos mula sa panahon ng pinakamatinding kagipitan, at nasa tamang landas na ang lahat ng gawain nito. Para sa tao, tila imposible ito, pero walang bagay na mahirap matupad para sa Diyos. Ang tatlumpung taon mula nang magpakita ang Diyos at magsimulang gumawa hanggang sa kasalukuyan ay nabatbat ng mga unos at iba’t ibang uri ng kapighatian. Kung hindi dahil sa pangunguna ng Diyos, at sa Kanyang mga salitang nagbibigay ng pananampalataya at lakas sa mga tao, walang makararating sa kinaroroonan nila ngayon. Personal itong naranasan ng lahat ng hinirang ng Diyos. Walang kahit isang gawain ng Diyos ang tumatakbo nang walang problema, lahat ito ay nagsisimula sa wala, at pinaghihirapan nang husto, at puno ng ligalig. Bakit ganito? Ito ay dahil nahaharap tayo hindi lamang sa walang humpay na panunupil at pang-uusig ng rehimen ng malaking pulang dragon, kundi pati sa diskriminasyon, paninirang-puri, at pagkondena ng buong komunidad ng mga relihiyon at ng tiwaling sangkatauhan—kahit tinatalikuran at hinahadlangan tayo ng buong kapanahunang ito. Ang lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay inilulunsad at pinatatakbo sa isang kapaligiran at sa ilalim ng mga kondisyong puno ng masasamang kalakaran ni Satanas, at kung saan nasa kapangyarihan si Satanas. Hindi talaga ito madali; napakahirap nito. Kaya, nagbibigay ginhawa sa Diyos ang bawat tao na maaaring gumanap ng tungkulin, at ang pagganap nila ng tungkulin ay isang pambihira at napakahalagang bagay. Ang kasigasigan, katapatan, at paggugol na maiaalay ng bawat tao, pati na ang kanilang saloobin ng katapatan at responsabilidad sa kanilang tungkulin, pagpapasakop sa atas ng Diyos, at paggalang sa Diyos, ay pinapahalagahan Niya, at itinuturing Niyang lubhang mahalaga ang mga bagay na ito. Sa kabilang banda, pinakanamumuhi ang Diyos sa mga taong tumatalikod sa kanilang mga tungkulin o itinuturing na biro ang mga ito, at sa iba’t ibang ugali, kilos, at pagpapamalas ng kataksilan laban sa Diyos, dahil sa gitna ng iba’t ibang mga konteksto, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, hinahadlangan, pinipinsala, inaantala, ginugulo, o naaapektuhan ng mga taong ito ang pag-usad ng gawain ng Diyos. At dahil dito, ano ang nararamdaman at nagiging reaksyon ng Diyos sa mga tumatalikod at sa mga taong nagtataksil sa Diyos? Anong saloobin mayroon ang Diyos? (Kinapopootan Niya sila.) Pawang pagkamuhi at pagkapoot. Nakakaramdam ba Siya ng awa? Hindi—hinding-hindi Siya makakaramdam ng awa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t ang Diyos ay pagmamahal?” Bakit hindi minamahal ng Diyos ang gayong mga tao? Hindi karapat-dapat na mahalin ang mga taong ito. Kung mahal mo sila, kahangalan ang iyong pagmamahal, at dahil lang sa mahal mo sila, hindi ibig sabihin nito na mahal na sila ng Diyos; maaaring pinahahalagahan mo sila, pero hindi sila pinahahalagahan ng Diyos, dahil walang dapat pahalagahan sa gayong mga tao. Kaya naman, talagang inaabandona ng Diyos ang gayong mga tao, at hindi na sila binibigyan ng pangalawa pang pagkakataon. Makatwiran ba ito? Bukod sa ito ay makatwiran, higit pa ito sa lahat ng aspeto ng disposisyon ng Diyos, at katotohanan din ito. Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, hindi tinatanggap ng ilang tao ang kahit anong bahagi ng katotohanan. Lagi silang kumikilos nang arbitraryo at padalus-dalos ayon sa sarili nilang kalooban. Sila ay mga balakid at hadlang sa gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Isang negatibong papel ang ginagampanan nila sa panggugulo, panggagambala, at pamemerwisyo sa gawain ng ebanghelyo, na nakakahadlang sa paglawak nito. Kaya, pawang pagkamuhi at pagkapoot ang saloobin ng Diyos sa mga taong ito. Dapat silang matiwalag. Ganito nabubunyag ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t medyo kalabisan naman na harapin nang ganito ang gayong mga tao?” Walang pagmamalabis dito. Kapag nahaharap sa gayong mga diyablo, pagkamuhi at pagkapoot lang ang maaaring maramdaman ng Diyos. Hindi nagbabalatkayo ang Diyos. Matuwid ang disposisyon ng Diyos, at malinaw na makikita ang disposisyon ng Diyos. Ano ang dalawang pinakamahalagang aspeto ng matuwid na disposisyon ng Diyos? (Masaganang awa at malalim na pagkapoot.) Ano ang kahalagahan nito rito? Sino ang nagtitiis ng malalim na pagkapoot ng Diyos? Bumabagsak ito sa mga lumalaban sa Diyos, tumatanggi sa katotohanan, at sumusunod kay Satanas. Ayaw ng Diyos sa mga determinadong sumunod kay Satanas, at ayaw rin Niya sa mga taksil at nang-iiwan. Sinasabi ng ilang tao, “Sa sandali ng kahinaan, pinili kong hindi gawin ang aking tungkulin, ngunit hindi ko talaga ninais na iwanan ang Diyos, o bumalik sa mundo at kampo ni Satanas.” Ikay man ay mahina o ninais mo mang bumalik sa mundo, maaaring ang Diyos ay magpakita ng awa at pagpapaubaya sa pagharap sa iyong kahinaan, depende sa sitwasyon. Ang Diyos ay sagana sa awa. Ang mga tao ay namumuhay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at sa ilang pagkakataon, hindi maiwasang makaramdam sila ng panghihina, pagiging negatibo, o katamaran. Sinisiyasat ng Diyos ang lahat at iwinawasto sila batay sa sitwasyon. Kung hindi ka nang-iiwan, hindi ka Niya ituturing bilang gayon. Kung mahina ka, tiyak na pangangasiwaan ka Niya ayon sa iyong kahinaan. Kung pansamantala kang nagbunyag ng katiwalian, kung mahina ka nang ilang sandali, o kung pansamantala kang nawala sa iyong landas, kung gayon, bibigyang-liwanag ka ng Diyos, gagabayan ka, at susuportahan ka. Ituturing ka Niya bilang isang taong may mababang tayog na hindi nakakaunawa ng katotohanan sapagkat ang problemang ito ay wala sa iyong kalikasang diwa. Bakit hindi iwinawasto ng Diyos ang gayong mga tao sa pamamagitan ng pagtalikod sa kanila? Ito ay dahil ayaw nilang tanggihan Siya o ang katotohanan, at dahil ayaw nilang sundin si Satanas. Nagpapakita lamang sila ng pansamantalang sandali ng kahinaan at hindi nila magawang umusad, kaya binibigyan sila ng Diyos ng isa pang pagkakataon. Paano dapat asikasuhin ang mga taong ito kung gayon, na nakararanas ng panandaliang kahinaan at hindi makagampan sa kanilang mga tungkulin, ngunit bumabalik paglaon upang gawin ang mga ito? Dapat silang tanggapin. Ang kasong ito ay iba ang kalikasan sa kaso ng mga tumatalikod, kaya hindi mo maaaring ilapat ang parehong panuntunan o gamitin ang parehong paraan sa pangangasiwa sa kanila. Ang ilang tao ay hindi nagdurusa sa kahinaan; sa totoo lang, sila ay mga nang-iiwan. Kung ibabalik mo sila, tatalikod silang muli kapag naharap sila sa katulad na sitwasyon. Ang isang tulad nito ay hindi isang nang-iiwan nang pansamantala; ang gayong tao ay palagi nang magiging nang-iiwan. Iyon ang dahilan kung bakit pinalalayas ng Diyos ang mga taong tulad nito at hindi na sila ibinabalik. Hinding-hindi ito malabis. At dahil hindi naman sila kailanman ibinalik, ibig sabihin nito ay maaaring magligtas ang Diyos ng iba, pero hindi Niya ililigtas ang mga taong iyon. Kapag nakita ng Diyos na kulang ng isang tao ang pangkat ng mga maliligtas, maaaring kumuha Siya ng iba. Pero ang ganitong uri ng tao ay inaayawan. Habambuhay siyang ibubukod at aayawan.

May isa pang kategorya ng mga tao na madalas nanggugulo at naninira sa gawain ng ebanghelyo habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, pero may nagawa rin silang gawain at nakapagpabalik-loob din sila ng ilang tao. Maituturing bang mabubuting gawa nila ito? Pansamantala, isantabi muna natin ang tanong kung nakagawa ba sila ng mabubuting gawa. Sabihin muna nating madalas na ginugulo at sinisira ng gayong mga tao ang gawain ng ebanghelyo habang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Halimbawa, kung nangangasiwa ang isang tao sa gawain ng ebanghelyo at lagi siyang nakikipagkumpitensya sa iba para sa katayuan at kapangyarihan o madalas siyang nakikipagtalo sa iba, ginugulo at sinisira ang gawain ng ebanghelyo, paano titingnan ng Diyos ang usaping ito? Babalansehin ba ng Diyos ang mga nagawa at kasalanan ng gayong tao o haharapin siya sa iba pang paraan? (Bibigyan siya ng Diyos ng demerito.) Bakit siya bibigyan ng Diyos ng demerito? Bagama’t siya ay nangaral sa ilang tao, may nagawang gawain, at may mga resultang nakamit, patuloy pa rin siyang gumagawa ng masasamang gawa. Bagama’t wala siyang nagawang malaking pagkakamali, madalas naman siyang nakagagawa ng mga munting pagkakamali. Ano ba ang ibig sabihin ng madalas na paggawa ng mga munting pagkakamali? Nangangahulugan ito ng hindi pagsasagawa sa katotohanan, pakikipaglaban para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, pagsasalita nang walang kahit katiting na kabanalan, hindi paghahanap kailanman sa mga katotohanang prinsipyo, madalas na pagkilos nang arbitraryo at nang walang pagpipigil, hindi kailanman gumagawa ng anumang pagbabago, at pagiging katulad ng mga walang pananampalataya, na may nakapipinsalang impluwensiya sa buhay ng iglesia at ng mga hinirang ng Diyos at nagdudulot ng pagkatisod ng ilang bagong mananampalataya. Hindi ba masasamang gawa ang mga ito? (Oo, masasamang gawa ang mga ito.) Kung nakagawa ang mga tao ng gayong masasamang gawa, kahit nagpakahirap pa silang gampanan ang kanilang mga tungkulin, natupad ba talaga nila ang kanilang mga responsabilidad? Tunay bang nagampan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin? Paano tinitingnan ng Diyos ang mga taong ito? Bagama’t may nagawa naman silang ilang gawain, mapangahas na gumagawa pa rin sila ng kasamaan, kaya nagagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin? (Hindi.) Kung gayon bakit kayang-kaya nilang gumawa ng kasamaan nang may ganoong kapangahasan? Sa isang banda, dahil ito sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa kabilang banda, niyayakap ng mga taong ito ang mentalidad ng pagbabakasakali. Iniisip nila, “Marami akong nagawang mabuti sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa iglesiang ito o sa iglesiang iyon, daan-daang tao ang nandoon dahil dinala ko ang ebanghelyo sa kanila. Kung maliligtas ang mga taong ito, mangangahulugan iyon ng malaking merito para sa akin. Kaya paanong hindi ako maaalala ng Diyos? Kapag isinasaalang-alang ng Diyos ang mga taong ito, hindi Niya ako makokondena.” Hindi ba masyadong mataas ang tingin nila sa kanilang sarili? Mayroon ba silang may-takot-sa-Diyos na puso? Mga tao ba silang ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos nang may tapat na puso? Tulad ni Pablo, naghahangad sila ng mga gantimpala at korona. Walang puwang ang Diyos sa kanilang puso. Hindi nila nauunawaan ang disposisyon ng Diyos at ang lakas ng loob nilang makipagkasunduan sa Diyos. Pinatutunayan nito na wala silang taglay na katotohanang realidad. May isang taong nagpalaganap ng ebanghelyo sa loob ng ilang taon at may ilang karanasan tungkol dito. Nagdusa siya sa maraming paghihirap habang ipinapalaganap ang ebanghelyo, at nakulong at nasentensyahan pa nga nang maraming taon sa loob ng bilangguan. Matapos makalaya, ipinagpatuloy niya ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at nakumbinsi ang ilang daang tao, at ang ilan sa mga ito ay naging mahahalagang talento; nahirang pa nga ang ilan bilang mga lider o manggagawa. Bunga nito, naniwala ang taong ito na karapat-dapat siyang tumanggap ng malalaking parangal, at ginamit niya itong kapital na kanyang ipinagyayabang saanman siya magpunta, nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo sa kanyang sarili: “Nabilanggo ako sa loob ng walong taon, at nanindigan ako sa aking patotoo. Maraming tao ang nakumbinsi ko habang ipinapalaganap ang ebanghelyo, at ang ilan sa kanila ay mga lider at manggagawa na ngayon. Sa sambahayan ng Diyos, karapat-dapat ako sa papuri, may naiambag ako.” Saan man siya nagpapalaganap ng ebanghelyo, siguradong nagmamayabang siya sa mga lokal na lider o manggagawa. Sinasabi rin niyang, “Dapat kayong makinig sa sinasabi ko; kahit nga ang mga nakatataas ninyong lider ay dapat na magalang kapag nakikipag-usap sila sa akin. Tuturuan ko ng leksyon ang sinumang hindi gagawa niyon!” Mapang-api ang taong ito, hindi ba? Kung ang taong kagaya nito ay hindi nagpalaganap ng ebanghelyo at hindi nakumbinsi ang mga taong iyon, mangangahas ba siyang maging napakahambog? Magiging napakahambog nga siya. Ang pagiging napakahambog niya ay nagpapatunay na likas iyon sa kanya. Ito ang kanyang kalikasang diwa. Nagiging napakayabang niya na ganap na siyang wala sa katwiran. Matapos magpalaganap ng ebanghelyo at makakumbinsi ng ilang tao, tumitindi ang mapagmataas niyang kalikasan, at lalo pa siyang nagiging hambog. Ipinagmamayabang ng gayong mga tao ang tungkol sa kanilang puhunan saanman sila magpunta, sinusubukang angkinin ang karangalan saanman sila magpunta, at ginigipit pa ang mga lider sa iba’t ibang antas, sinusubukang makipantay sa kanila, at iniisip pa nga na nararapat silang maging nakatataas na lider. Batay sa kung ano ang ipinamalas ng pag-uugali ng isang taong kagaya nito, dapat maging malinaw sa atin kung anong uri ng kalikasan ang mayroon siya, at kung ano ang malamang na kalalabasan niya. Kapag pinapasok ng isang demonyo ang sambahayan ng Diyos, nagtatrabaho nang kaunti bago ipakita ang tunay niyang pagkatao; hindi siya nakikinig kahit sino pa ang nagpupungos sa kanya, at pilit siyang lumalaban sa sambahayan ng Diyos. Ano ang kalikasan ng kanyang mga ikinikilos? Sa paningin ng Diyos, inilalagay niya ang sarili sa labis na panganib, at hindi siya titigil hangga’t hindi niya napapatay ang kanyang sarili. Ito lamang ang pinaka-angkop na paraan ng pagsasalarawan nito. May praktikal na kahulugan ang terminong “isang paa ang nasa hukay”. Ano ang praktikal na kahulugan na ito? Mabuti kapag nagagawang gampanan ng mga tao ang kanilang mga tungkulin. May mga taong isinilang na may mga partikular na kaloob, na isang pagpapala, pero kung hindi sila susunod sa tamang landas, malalagay sila sa kapahamakan. Halimbawa, may mga taong mahusay magsalita. Marunong silang makipag-usap sa iba’t ibang tao at kayang-kaya nilang makipag-usap kaninuman. Maituturing din itong isang uri ng likas na abilidad. Sa halip na sabihin muna kung mabuti o masamang bagay ba ito, ang susi ay ang tingnan ang kalikasan ng naturang tao at kung tinatahak ba niya ang tamang landas o ang masamang landas. Sa panahon ng gawain ng pagpapalaganap ng Diyos ng ebanghelyo, inialay mo ang iyong mga talento, nag-isip ka nang husto, at nakahikayat ng maraming tao. Walang masama rito. Nagsikap ka para sa gawain ng ebanghelyo, na karapat-dapat sa paggunita ng Diyos. Kung gagawin mo ang tungkuling ito nang mabuti, nang hindi masyadong nagpapapansin, rerespetuhin ka ng mga kapatid kapag nakita nila ang ginawa mo, at ang mga taong may hindi nauunawaan ay hahanapin ka at hihingan ka ng payo. Kung mayroon kang pagkatao at hinahangad mo ang katotohanan, magugustuhan ka ng mga tao, at pagpapalain ka ng Diyos. Ngunit maaaring mangyari na hindi mo tahakin ang tamang landas. Maaaring ituring mong puhunan ang munting kaloob na ito na mula sa Diyos at ipagmayabang mo pa kung saan-saan ang tungkol sa pagkakabilanggo mo. Ang totoo, hindi isang dakilang bagay ang mabilanggo. Sa bansa ng malaking pulang dragon, marami nang tao ang naaresto at nabilanggo dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo o sa paggawa ng gawain ng iglesia. Hindi ito dapat ituring bilang puhunan, kundi isang uri ng pagdurusa na marapat tiisin ng mga tao. Kung may patotoong maibibigay ang mga tao matapos ang kanilang pagdurusa, maaari nilang patotohanan ang mga gawa ng Diyos, patotohanan kung paano sila umasa sa Diyos para mapagtagumpayan si Satanas habang sila ay inuusig, kung anong uri ng pagdurusa ang tiniis nila, at kung ano ang natamo nila mula rito. Ito ang tamang paraan. Subalit sadyang hindi nila tinatahak ang tamang landas na ito, bagkus ay ipinagmamayabang nila ang kanilang sarili kung saan-saan. “Nabilanggo ako sa loob ng napakaraming taon at nagdusa ako nang husto, kaya dapat ganito ninyo ako tratuhin. Kung hindi ninyo ako tatratuhin nang ganoon, kayo ay bulag, mangmang, at walang-puso.” Hindi ba’t nabibigo silang tahakin ang tamang landas? Noong una, isang mabuting bagay ang pagkakabilanggo at pagdurusa nila nang hindi nagkakanulo at nang naninindigan sa kanilang patotoo matapos na masentensiyahan. Karapat-dapat ito sa paggunita ng Diyos. Subalit sadyang hindi nila ginawa ang dapat nilang gawin. Saan man sila magpunta, ipinagyabang nila ang kanilang mga nagawa para makuha ang respeto at simpatiya ng mga tao. Sukdulan pa ngang humiling sila ng ilang materyal na bagay. Paghahangad ito ng gantimpala para sa kanilang mga nagawa. Ano ang nakatagong kahulugan sa paghahangad ng mga gantimpala mula sa mga taong kagaya nito? Maaari nilang hilinging gantimpalaan sila ng mga tao, kaya maaari ba silang humingi ng mga gantimpala mula sa Diyos? Pinupuntahan nila ang mga tao at nanghihingi sila ng sapat na gantimpala, humihingi sila ng katayuan, ng katanyagan at pakinabang, ng kabantugan, at ng mga kalayawan ng laman, at pagkatapos ay humihingi sila ng mga gantimpala mula sa Diyos. Hindi ba’t katulad ito ni Pablo? Higit pa rito, marami silang napabalik-loob na mga tao sa pamamagitan ng pagganap ng tungkuling ito. Para sa Diyos, kung kaya nilang patuloy na gawin ang kanilang mga tungkulin sa pundasyon ng pagkaunawa sa katotohanan at patuloy nilang magagampanan nang maayos ang responsabilidad na ito, patuloy na ipagkakatiwala sa kanila ng Diyos ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit pinili nilang huwag gawin ito, at inisip na may sapat na silang nagawa at kwalipikasyon na maaari na nilang ipagyabang ang mga ito sa lahat ng tao. Samakatuwid, hindi na talaga sila nagtatrabaho, pero hinihiling nila na gantimpalaan sila. Saan man sila magpunta, nagyayabang sila, ipinangangalandakan ang kanilang puhunan, ikinukumpara ang kanilang mga merito, at nagpapakitang-gilas na daan-daan o libu-libong tao na ang nahatiran nila ng ebanghelyo. Sa bagay na ito, hindi sila nagbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos at hindi sila kailanman nagpapatotoo sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos at sa karunungan Niya. Hindi ba’t paglalagay ito ng isang paa sa hukay? Sumasampalataya sila sa Diyos pero hindi sila lumalakad sa tamang landas. Kaya, ano ang saloobin nila sa pakikinig sa mga sermon at pagbabahagi? Iniisip nila, “Hindi ko kailangang makinig, nabilanggo na ako, hindi ako naging isang Hudas, may patotoo akong maibibigay. Bukod doon, mas marami akong napabalik-loob na mga tao kaysa sa iba, nagbayad ako ng pinakamalaking halaga. Tiniis ko ang bawat hirap, sumuot ako sa mga damuhan, at natulog sa mga kuweba. Walang anumang pagdurusa ang hindi ko kayang tiisin, at walang lugar ang hindi ko pa napuntahan. Sino sa inyo ang makapapantay sa akin? Kaya, hindi ko kailangang ganap na unawain ang mga sermong pinapakinggan ko. Hindi ba’t pagsasanay lang naman ang pakikinig sa mga sermon? Nagawa ko na itong lahat, isinabuhay ko na ito. Ni wala ngang masyadong kamangha-mangha tungkol sa pagkakatawang-tao ng Diyos.” Anong uri ng tao ang nagsasalita ng mga salitang katulad nito? (Si Pablo.) Si Pablo ito na nabuhay na magmuli. Sinasabi rin nila, “Hindi kayo kasinghusay ko. Dahil kung mahusay nga kayo, hindi na ninyo kakailanganin pang makinig sa napakaraming sermon, at hindi na ninyo kakailanganing magsulat, kumopya, at magkabisang mabuti ng mga salita ng Diyos araw-araw. Tingnan ninyo ako. Napakarami ko nang taong napabalik-loob sa pangangaral ng ebanghelyo. Kailan ba ako nag-aral nang katulad ninyo? Hindi ko na kailangan, sa sandaling gumawa na ang Banal na Espiritu, nasa akin na ang lahat.” Hindi ba’t isa itong malaking kahangalan? Walang hanggan ang kanilang kayabangan. Ano ba ang tingin nila sa pagtanggap sa gawain ng Diyos at sa paghahangad ng kaligtasan? Tingin nila rito ay larong pambata. Naniniwala silang nakapagpakita na sila ng kaunting mabuting asal at nakagawa na ng kaunting trabaho, na natapos na nila ang kanilang takbo at nakipagbaka na ng kanilang pakikipagbaka, kaya ang tanging natitira na lang na dapat gawin ay ang tanggapin ang korona nila. Para sa kanila, ang isang Diyos na hindi nagbibigay ng mga korona ay hindi naman talaga Diyos. Sa bagay na ito, pareho ang kanilang pananaw sa mga relihiyosong tao. Sinasabi rin nila, “Akin nang napagdusahan ang lahat ng dapat pagdusahan at nabayaran ang bawat halaga. Nagdusa na ako nang halos kasingdami ng pinagdusahan ng Diyos. Dapat matanggap ko ang gantimpala ng Diyos.” Hindi ba’t ang mga taong ito ay katulad ni Pablo? Lagi nilang iniraranggo ang mga tao ayon sa mga kwalipikasyon at sa senyoridad. Sinasabi nilang lahat na para sa kanila ang mabuhay ay si Cristo. Kung talagang gusto nilang maging si Cristo, mapapahamak sila. Isa itong pangalawang Pablo. May pagkakataon pa bang makapagbagong-buhay ang isang taong lumalakad sa ganitong landas? Wala na. Ang landas na ito ay ang daan ng mga anticristo patungo sa kawalan.

Bakit tinatahak ng ilang taong matagal nang sumasampalataya sa Diyos ang landas ng mga anticristo? Natutukoy ito sa pamamagitan ng kalikasang diwa ng isang tao. Ang lahat ng masamang tao, lahat ng taong walang konsensiya at katwiran ay mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Ito ang dahilan kung bakit likas nilang pinipiling lumakad sa landas ng mga anticristo matapos manampalataya sa Diyos. Sumasampalataya ang lahat sa Diyos, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga sermon, kaya bakit pinipili ng ilang tao na tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan? Bakit pinipili ng ibang tao na tahakin ang landas ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga pagpapala? Magkakatulad ang kanilang mga obhetibong kapaligiran, pero magkakaiba naman ang kalidad ng kanilang pagkatao at mga personal na kagustuhan, kaya magkaibang mga landas ang pinipili nila. Dinirinig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos. Napakarami nang salita ang sinabi ng Diyos sa mga huling araw, at halos 30 taon nang ipinahayag ang mga salita ng Diyos, pero hindi nauunawaan ng mga taong ito ang mga iyon. Kaya, mga tupa ba sila ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi sila mga tupa ng Diyos, hindi sila karapat-dapat tawaging mga tao. Ano ang tinututukan ng mga taong iyon na hindi nagmamahal sa katotohanan at hindi naghahangad sa katotohanan? Ano ba ang hinahangad nila? Makikita namang matindi talaga ang kanilang pagnanasang hangarin ang katayuan at mga pagpapala, at na hindi nila pakikinggan ang katotohanan kahit gaano mo pa ibahagi ang tungkol dito. Bukod sa hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, nagmamatigas din sila sa patuloy na paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bukod sa wala silang anumang pagkakilala sa sarili, kundi lagi silang nagkukumparahan ng mga merito at ipinagyayabang ang sarili nilang puhunan kahit saan. Ano ang kalikasan ng gayong asal at pagsasagawa? (Paglalagay ng isang paa sa hukay.) Tama iyan. Sa ganitong paraan inilagay ni Pablo ang kanyang paa sa hukay. Matapos makinig sa mga sermon sa loob ng napakaraming taon, nagagawa pa rin ng mga taong maging kagaya ni Pablo nang hindi nagsisisi. Wala silang kahit anong pagkaunawa sa katotohanan at hinding-hindi nila tinatanggap ang katotohanan. Hindi ba’t paglalagay ito ng isang paa sa hukay? Sa una, kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagpapakita sila ng ilang pag-uugali at pagsasagawa na mula sa kalooban ng tao at ang mga ito ay narurumihan, o maaari silang magpakita ng ilang pakikipagkasundo o indibiduwal na mga intensyon at hangarin. Hindi ito tinitingnan ng Diyos dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Noong hindi pa malinaw na malinaw sa tao ang mga salita ng Diyos, tinulutan ng Diyos na magkaroon ang tao ng kanyang katiwalian, karumihan, kahinaan, at pakikipagkasundo. Marami nang sinalita ang Diyos at sapat na ito, subalit ipinagpipilitan mo pa ring paniwalaan na tama ang mga bagay na pinanghahawakan mo at ang mga ugaling isinasagawa mo. Itinatatwa mo ang mga salitang ito ng Diyos, o hinahamak at binabalewala pa nga ang mga salita ng Diyos, nakatingin pero hindi nakakakita at nakikinig pero hindi nakakarinig. Ano ang saloobin ng Diyos sa gayong mga tao? Paano tinitingnan ng Diyos ang gayong mga bagay? Sasabihin ng Diyos na hindi mo minamahal ang katotohanan, na hindi mo minamahal ang mga positibong bagay, at na isa kang hindi mananampalataya. Hindi naniniwala ang gayong mga tao na mayroon ngang katotohanan, at na ang lahat ng sinabi ng Diyos ay ang katotohanan at landas ng tao tungo sa kaligtasan. Hindi nila tinatanggap ang katunayang ito. Bagama’t hindi itinatatwa ng mga ganitong tao ang mga salita ng Diyos, hindi rin nila tinatanggap ang mga ito. Batay sa kanilang ugali at sa kung ano ang ibinubunyag nila, makikita mo na wala sila sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa anong landas sila lumalakad? Sa pag-asa sa sarili nilang puhunan at sa kanilang mga nagawa para makahingi ng mga gantimpala mula sa Diyos, lumalakad sila sa landas ni Pablo. Kahit paano pa suriin si Pablo, hindi nila iuugnay ang gayon ding mga bagay sa kanilang sarili. Kahit paano pa suriin si Pablo, hindi sila magbabago, magsisisi, o hindi nila kikilalanin ang kanilang sarili. Naniniwala pa rin sila na tama at nakaayon sa katotohanan ang lahat ng bagay na ginagawa nila. Kahit gaano pa karaming salita ang ipahayag ng Diyos, kahit gaano pa Niya suriin at hatulan ang gayong mga tao, hindi sila kailanman magninilay-nilay sa kanilang sarili. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, ang kanilang intensyong magtamo ng mga pagpapala, at ang nakasanayan nilang pakikipagkasundo sa Diyos ay nananatili, hindi natitinag, at hindi nagbabago. Ano ang dahilan nito? Hindi nila maunawaan ang tinig ng Diyos at hindi sila nakikinig sa tinig ng Diyos. Kahit ano pa ang sabihin ng Diyos, hindi ito ganoon kahalaga sa kanila. “Sabihin Mo na kung ano ang gusto Mo, pero pabayaan Mo ako sa kung ano ang gusto ko. Ikaw ay Ikaw, ako naman ay ako. Anuman ang gawin mo o anuman ang layunin Mo, ano naman ito sa akin? Wala itong kinalaman sa aking buhay o kamatayan.” Anong uri ba ng mga tao ito? (Mga hindi mananampalataya.) Sino ang pinaniniwalaan nila? Pinaniniwalaan nila ang kanilang sarili. Hindi ba’t kamuhi-muhi ang gayong mga tao? (Kamuhi-muhi sila.) Kamuhi-muhi sila at dapat silang pumanaw. Hindi sila ang mga ililigtas ng Diyos. Kaya, sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, kung marami ang mga taong laging kontento na sa kanilang mga nagawa at tumigil na sa kanilang pagsisikap, ipinagyayabang ang kanilang senyoridad, at hinihingan ng gantimpala ang Diyos para sa mga nakaraan nilang merito, mapapahamak sila. Dahil sa kanilang asal, masasabing paglalagay ng isang paa sa hukay ang kalalabasan nila. Kaya, kapag may nakilala kang ganitong uri ng tao, marapat ba na pagsabihan mo sila tungkol sa paglalagay ng isang paa sa hukay? Kung magagawa pa rin nilang magpalaganap ng ebanghelyo, huwag mong sabihin iyon sa kanila. Maaari mo silang paalalahanan, balaan, at gabayan sa pamamagitan ng mga pahiwatig para matulungan sila hangga’t maaari. Ngunit kung ang kanilang diwa at disposisyon ay tunay ngang katulad ng kay Pablo, paano natin sila dapat tratuhin? Bagama’t alam mo namang inilalagay nila ang isang paa sa hukay, pero hindi mo sinasabi sa kanila ang totoo at kinukunsinti mo pa rin sila at pinapayagan silang patuloy na magserbisyo: tinatawag itong pagpapahiya kay Satanas. Nararapat bang gawin ito? (Nararapat ito.) Karunungan ng Diyos na samantalahin ang pagseserbisyo ni Satanas. Kung tinatrato mo ang iyong mga kapatid sa ganitong paraan, masama ito at kinamumuhian ito ng Diyos. Kung sasamantalahin mo ang pagseserbisyo ni Satanas, tinatawag itong pagpapahiya kay Satanas. Tinatawag itong karunungan. Pinagseserbisyuhan ng malaking pulang dragon, ni Satanas, at ng mga diyablo ang mga taong hinirang ng Diyos. Ang Diyos ba ang may gawa nito? (Oo.) Paano natin dapat tingnan ito? Karunungan ito ng Diyos. Hindi maaaring kondenahin ang bagay na ito. Ito ang katotohanan. Dapat mong gamitin si Satanas, ang bagay na ito, para sa iyong kapakinabangan. Kung hindi mo ito gagamitin para sa layunin ng pagseserbisyo, hindi magagawa nang maayos ang ilang gawain, at hindi magiging madali na makakuha ng mga resulta. May yugto rin ng pagtatrabaho ang mga taong lumalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan at ng kaligtasan, pero hindi ito permanente. Hindi gumagamit ng karunungan ang Diyos para pagserbisyuhin ka, sa halip, dapat mong pagdaanan ang yugtong ito. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ginagawa mo nang walang mga prinsipyo ang maraming bagay bagkus ay ayon sa sarili mong kalooban. Kung diwa mo ang pag-uusapan, ayaw mong magtrabaho, pero kung obhetibong katunayan ang pag-uusapan, nagtatrabaho ka. Kapag nagtatrabaho nang maayos ang mga tao at unti-unti nilang naunawaan ang mga layunin ng Diyos at ang katotohanan, saka lang sila makapagbabago nang paunti-unti tungo sa paghahangad sa katotohanan, tunay na makagagampan ng kanilang mga tungkulin, makapagpapasakop sa Diyos at makakaayon sa Kanyang mga layunin, at makatatahak unti-unti sa landas ng kaligtasan. Pero ibang-iba ang serbisyong ito kaysa sa samantalahin ang serbisyo ni Satanas. Naiiba ang kalikasan nito. Sinasamantala lang ng Diyos ang serbisyo ni Satanas, pero hindi inililigtas ng Diyos si Satanas. Ang mga trabahador na sumasampalataya sa Diyos nang may tapat na puso at nakapaghahangad sa katotohanan ang mga tatanggap ng pagliligtas ng Diyos. Sa kaso ng ilang trabahador, ginagamit ang kanilang mga serbisyo kapag kapaki-pakinabang sila, pero kung ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia, dapat silang mahigpit na bigyan ng babala. Kung hindi sila magsisisi, palalayasin at ititiwalag sila. Ganito sila dapat tratuhin. Kung normal silang makakapagtrabaho nang tapat at hindi nila ginagambala ang gawain, hayaan mo silang patuloy na magtrabaho. Balang araw baka maunawaan na nila ang katotohanan at maligtas sila. Mabuti ito, kaya bakit hindi ito gawin nang buong sigla? Hindi mo maaaring kondenahin ang isang tao bago ang takdang oras. Ano ang dahilan kung bakit kinokondena ang ilang tao? Kinokondena sila dahil masyado nang malala ang kaguluhang idinulot nila. Kahit gaano mo pa ibahagi sa kanila ang tungkol sa katotohanan, hindi nila magagawang tanggapin ito at hindi nila magagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ang kanilang kalikasang diwa ay kaparehong-kapareho ng kay Pablo. Matigas ang ulo nila at ayaw nilang magsisi. Walang pagdududang inilalagay nila ang isang paa nila sa hukay. Siguradong may gayong mga tao sa loob ng iglesia. Siguradong kabilang sila sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo. Ano sa palagay ninyo, mabuti bang hayaan ang gayong mga tao na malaman ang tunay na katotohanan? Natatakot ba kayong malalaman ng gayong mga tao ang tunay na katotohanan? (Hindi kami natatakot.) Kung makikilala ng mga ganoong tao ang kanilang sarili sa bagay na ito at sila ay makakapagsisi, mabuti iyon. Kailangan mong bigyan ng pagkakataon ang mga tao. Huwag mo silang ipagwalang-bahala. Ngunit kung alam nila ang tunay na katotohanan, pero bigo silang mabago ang kanilang mga gawi at patuloy silang nagdudulot ng kaguluhan, tunay ngang paglalagay ito ng isang paa sa hukay. Kapag wala sa tamang landas ang mga tao, hindi na kailangang magpasintabi sa kanila. Ang ganitong mga tao ay dapat alisin at itiwalag.

Ito ang mga pangunahing prinsipyo hinggil sa pagsasagawa ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat tuparin ng mga tao ang kanilang responsabilidad at makitungo nang masigasig sa bawat potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Inililigtas ng Diyos ang tao sa abot ng makakaya, at dapat isaalang-alang ng mga tao ang mga layunin ng Diyos, hindi nila dapat lagpasan nang walang ingat ang sinumang naghahanap at nagsisiyasat sa tunay na daan. Bukod pa riyan, sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, dapat mong maunawaan ang mga prinsipyo. Sa bawat taong nagsisiyasat sa tunay na daan, dapat mong obserbahan, unawain, at intindihin ang mga bagay gaya ng kanilang pinagmulang relihiyon, kung mahusay ba ang kanilang kakayahan o hindi, at ang kalidad ng kanilang pagkatao. Kung may nakita kang tao na nauuhaw sa katotohanan, na kayang makaunawa sa mga salita ng Diyos, at kayang tanggapin ang katotohanan, ang taong iyon ay nauna nang itinalaga ng Diyos. Dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo para makapagbahagi sa kanya tungkol sa katotohanan at mahikayat siya. Subalit kung mahina ang kanyang pagkatao at masama ang pag-uugali niya, at nagkukunwari lamang siyang nauuhaw, at palagi siyang nakikipagtalo, at kumakapit sa kanyang mga kuru-kuro, dapat ay isantabi mo siya at sukuan siya. Ang ilang taong nagsisiyasat sa tunay na daan ay may kakayahang makaunawa at may mahusay na kakayahan, ngunit mayabang at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Mahigpit silang sumusunod sa mga kuru-kurong panrelihiyon, kaya dapat kang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan nang may pagmamahal at pagpapasensya para makatulong na lutasin ito. Dapat ka lang sumuko kapag hindi nila tinatanggap ang katotohanan paano ka man magbahagi sa kanila—kung magkagayon, nagawa mo na ang lahat ng magagawa mo. Sa madaling salita, huwag basta-basta susukuan ang sinuman na kayang kumilala at tumanggap sa katotohanan. Hangga’t handa siyang siyasatin ang tunay na daan at kayang hanapin ang katotohanan, dapat mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para mabasahan pa siya ng mga salita ng Diyos at mabahaginan pa siya ng katotohanan, at mapatotohanan ang gawain ng Diyos at malutas ang kanyang mga kuru-kuro at tanong, upang mahikayat mo siya at madala sa harapan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kaya paano siya mahihikayat? Kung, sa proseso ng pakikipag-usap mo sa kanya, natitiyak mo na may mahusay na kakayahan at mabuting pagkatao ang taong ito, kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo para tuparin ang iyong responsabilidad; kailangan mong magbayad ng partikular na halaga, at gumamit ng partikular na mga kaparaanan, at hindi mahalaga kung anong mga kaparaanan ang ginagamit mo hangga’t ginagamit mo ang mga ito para mahikayat siya. Sa kabuuan, upang mahikayat siya, kailangan mong tuparin ang iyong responsabilidad, at gumamit ng pagmamahal, at gawin ang lahat ng makakaya mo para matamo siya. Kailangan mong magbahagi tungkol sa lahat ng katotohanang nauunawaan mo at gawin ang lahat ng bagay na dapat mong gawin. Kahit hindi mahikayat ang taong ito, magiging malinis ang konsensiya mo. Nagawa mo na ang lahat ng makakaya mo. Kung hindi mo ibabahagi nang malinaw ang katotohanan, at patuloy pa ring kumakapit ang taong iyon sa kanyang mga kuru-kuro, at kung maubos ang iyong pasensya, at kusa mo siyang susukuan, ito ay pagpapabaya sa iyong tungkulin, at para sa iyo, magiging paglabag at mantsa ito. Sabi ng ilang tao, “Ang pagkakaroon ba ng mantsa na ito ay nangangahulugang kinondena na ako ng Diyos?” Ang gayong mga bagay ay nakasalalay sa kung sinasadya o nakasanayan bang gawin ng mga tao ang mga bagay na ito. Hindi hinahatulan ng Diyos ang mga tao nang dahil sa paminsan-minsang mga paglabag; kailangan lamang nilang magsisi. Ngunit kapag sadya silang gumagawa ng mali at ayaw nilang magsisi, kinokondena sila ng Diyos. Paanong hindi sila kokondenahin ng Diyos samantalang alam na alam nila ang tunay na daan subalit sadya pa rin silang nagkakasala? Kung titingnan ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ito ay pagiging iresponsable at pabasta-basta, at sa pinakamababa, hindi natupad ng mga taong ito ang kanilang responsabilidad; ganito hinahatulan ng Diyos ang kanilang mga pagkakamali. Kung ayaw nilang magsisi, kokondenahin sila. Kaya nga, para mabawasan o maiwasan ang gayong mga pagkakamali, dapat gawin ng mga tao ang lahat ng magagawa nila para matupad ang kanilang mga responsabilidad, na aktibong sinisikap na masagot ang lahat ng tanong ng mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan, at talagang hindi ipinagpapaliban o inaantala ang mahahalagang katanungan. Kung paulit-ulit na nagtatanong ang isang taong nagsisiyasat sa tunay na daan, paano ka dapat sumagot? Dapat ayos lang sa iyo ang paglalaan ng oras at abala upang sagutin sila, at dapat maghanap ng paraan upang malinaw na magbahagi tungkol sa kanilang katanungan, hanggang sa maunawaan nila at hindi na muli pang magtanong dito. Sa gayon ay natupad mo ang iyong responsabilidad, at magiging malaya sa pagkakonsensiya ang iyong puso. Ang pinakamahalaga, magiging malaya ka sa pagkakonsensiya sa Diyos sa bagay na ito, dahil ang tungkuling ito, ang responsabilidad na ito, ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Kung ang bawat ginagawa mo ay ginagawa sa harap ng Diyos, ginagawa nang kaharap ang Diyos, kapag lahat ay nakaayon sa salita ng Diyos, at ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong pagsasagawa ay magiging lubos na nakaalinsunod sa katotohanan at sa mga hinihingi ng Diyos. Sa ganitong paraan, lahat ng ginagawa at sinasabi mo ay mapapakinabangan ng mga tao, at sasang-ayunan at tatanggapin nila kaagad ito. Kung ang mga salitang sinasambit mo ay nagbibigay-liwanag, praktikal at malinaw, maiiwasan mo ang pagtutol at kumprontasyon, mabibigyan mo ng kakayahan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, at mapapatibay sila. Kung magulo at malabo ang mga salitang sinasambit mo, at hindi malinaw, hindi nagbibigay-liwanag, at hindi praktikal ang iyong pagbabahagi sa katotohanan, hindi mo malulutas ang mga kuro-kuro at problema ng mga tao, at malamang na sasamantalahin nila ang iyong mga pagkakamali, huhusgahan ka, at kokondenahin ka. Mas lalong hindi magiging madali para sa iyo na lutasin ang mga problemang ito; maaaring kailanganin mong magbahagi tungkol sa ilan pang sipi ng mga salita ng Diyos bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan at tanggapin ito. Kaya, kailangang maging matalino ang isang tao sa pananalita kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo, at kailangang maging malinaw ang pagbabahagi ng isang tao tungkol sa katotohanan, sa paraan na makalulutas sa mga kuro-kuro at imahinasyon ng mga tao, na nakakamit ang kanilang paghanga at taos silang nakukumbinsi. Madaling magkakaresulta sa ganitong paraan; binibigyan nito ng kakayahan ang mga tao na matanggap ang gawain ng Diyos sa isang madaling paraan, na kapaki-pakinabang sa pagpapalawak ng ebanghelyo.

Kaugnay ng mga prinsipyong dapat sundin sa pagsasagawa ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, sa kabilang banda, ang mga nagpapalaganap sa ebanghelyo ay dapat kagalang-galang at matuwid ang asal, nagsasalita at kumikilos sila na parang mga santo, may maayos na pagpipigil sa sarili sa lahat ng kanilang ginagawa sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, at kumikilos nang disiplinado. Hindi natutuwa ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo na naaabala sila ng mga estranghero, kaya paano ka ba dapat mangaral sa kanila? Nangangaral ng ebanghelyo ang ilang tao sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono nang tatlong beses sa isang araw, nagpupunta sa tahanan ng mga tao pagkauwi nila galing sa trabaho, at binabasa ang mga salita ng Diyos sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo pagkakitang-pagkakita sa mga ito kahit gaano pa kaabala ang mga ito. Hindi kailanman nakakatiyempo nang tama ang mga taong ito, kaya malamang na maging istorbo sila. Napakahangal ng ilang tao na ganito pa sila magsalita sa mga nagsisiyasat sa tunay na daan: “Napakasama ng mundong ito, kaya iwan mo na ang ginagawa mo, huwag ka nang pumasok sa trabaho. Alam mo ba kung anong oras na? Parating na ang malaking sakuna. Napakahalagang manampalataya ka na sa Diyos!” Angkop ba ang ganitong paraan ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Ano ang ibubunga nito? Sila ay mga walang pananampalataya na hindi pa tinanggap ang gawain ng Diyos. Kinakailangan bang kausapin sila sa ganitong paraan? Dagdag pa rito, huwag kang makialam sa pribadong buhay o mga personal na pananaw ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao ang mga sumusunod sa mga pinapabalik-loob nila, “Naniniwala ka pa rin ba sa Diyos? Kaming mga mananampalataya ay hindi nagsusuot ng ganitong damit ng mga walang pananampalataya.” “Hindi kumakain ng ganitong klaseng pagkain ang mga taong sumasampalataya sa Diyos, kailangan mong kumain ng ganito at ganyan.” Hindi ba’t pangingialam ito sa ibang tao? Kahangalan ang tawag dito. Kung hindi angkop ang mga salita at kilos mo sa isang partikular na pagkakataon, maaaring sayangin ng mga ito ang halagang binayad mo sa pagpapalaganap sa ebanghelyo. Dahil dito, dapat maging maingat kang kumilos sa bawat pagkakataon, pigilan at kontrolin mo ang iyong ugali, at kumilos ka nang disiplinado. Ano ba itong tinatawag nating disiplina? Nangangahulugan ito ng paggawa sa mga bagay-bagay nang alinsunod sa mga tuntunin, ng pag-isip sa kung anong uri ng mga salita ang magiging angkop para sa tungkuling ginagampanan mo, at kung anong uri ng mga salita ang gugustuhing marinig ng mga tatanggap ng ebanghelyo. Huwag kang gumawa o magsalita ng mga bagay na kamumuhian o kaiinisan nila, huwag kang magtanong ng mga mapanghimasok na tanong, at huwag na huwag kang makialam sa pribado nilang buhay. Sabihin na nating may dalawang lalaking anak ang isang tao at sinabi mo sa kanya, “Mabuting magkaroon ng dalawang anak na lalaki, pero hindi ba’t mas mainam kung magkaroon ka rin ng isang anak na babae?” Ano naman ang pakialam mo rito? Kapag marunong magsalita ng Ingles ang ilang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, sinasabi mo, “Mahusay ka talagang mag-Ingles. Maganda sana kung mananampalataya ka sa Diyos at gaganap ka ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Kulang sa mga taong kagaya mo ang sambahayan ng Diyos.” Tama bang magsalita nang ganito? Hindi pare-pareho ang mga tao. Makaraang manampalataya ang mga taong ito, maaaring mas aktibo at mas masigla pa sila kaysa sa iyo, pero hindi pa sila sumasampalataya ni tumatanggap, kaya huwag mong pilitin ang mga bagay-bagay bago ang tamang oras, at huwag mong kailanman pakialaman ang buhay ng ibang tao. Nauunawaan mo ba?

May isa pang sitwasyon na maaaring mangyari. Sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, ang ilang tao ay tinatanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at nauunawaan ang ilang katotohanan. Pagkatapos, iniisip nilang masyado na silang mataas kaysa sa mga karaniwan, at ordinaryong tao. Kinapopootan nila ang lahat ng walang pananampalataya at kinapopootan at minamaliit pa nga nila ang sinumang nakikilala nilang nagsisiyasat sa tunay na daan. Iniisip nila, “Kayong mga tao, kung hindi ninyo tatanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, mga bulag, hangal, at mangmang kayo, bagay na nararapat lamang na mamatay, at ganap na walang kabuluhan. Ngayon, tungkulin kong ipangaral ang ebanghelyo sa iyo, pero kung hindi, babalewalain ko kayo!” Anong uri ng saloobin ito? Wala ka namang ibang ginawa kundi tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Hindi ka mas mataas kaysa sa iba. Kahit na hari ka pa, hindi ba’t kabilang ka pa rin sa tiwaling lahi ng tao? Paano ka ba nagiging mas magaling kaysa sa iba? Huwag kang mapoot sa mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Kahit na ipangaral mo pa ang ebanghelyo sa kanila, hindi ka mas magaling o mas mahusay kaysa sa kanila. Huwag mong kalimutan na, tulad din nila, isa kang tiwaling tao. Dapat maging malinaw sa iyo ang tungkol sa bagay na ito sa iyong puso. Huwag mong laging tingnan ang iba na para bang nakakagawa ka ng malaking serbisyo sa mundo o ginagabayan mo ang lahat ng nilalang na may kamalayan tungo sa kanilang paglaya. Lagi mong iniisip, “Nakakaawa naman kayong mga taong hindi pa tumanggap sa ebanghelyo. Araw-araw, labis akong nababalisa para sa inyo.” At bakit ka naman nababalisa? Hindi mo pa nalulutas ang sarili mong mga problema, pero labis ka nang nababalisa para sa iba. Hindi ba’t mapagpaimbabaw iyan? Hindi ba’t nililinlang mo ang iba? Huwag kang magtago sa likod ng maskara ng kabutihan. Ang totoo, wala kang kakwenta-kwenta. Kahit 20 o 30 taon mo nang tinanggap ang bagong gawain ng Diyos, wala ka pa ring kwenta. Kahit namumuhay ka pa kasama ang Diyos araw-araw at nakakausap mo ang Diyos nang harap-harapan, isa ka pa ring ordinaryong tao. Wala pa ring ipinagbago ang iyong diwa. Ang ipangaral ang ebanghelyo sa iba ay pagganap sa iyong tungkulin. Ito ang iyong obligasyon, ang iyong responsabilidad. Dapat mong maunawaan na kahit gaano pa karaming tao ang mapabalik-loob mo, mananatili kang ikaw. Hindi ka naging ibang tao, isa ka pa ring tiwaling tao. Bagama’t marami ka nang taong napabalik-loob, hindi dapat lumaki ang ulo mo, lalong hindi ka dapat maging mayabang. Huwag mong ipagyabang ang mga nagawa mo, na sinasabing, “Maraming taon na akong nagpapalaganap ng ebanghelyo, at marami na akong naipong karanasan at natutunang mga leksyon. Sinuman ang pangaralan ko, masasabi ko sa isang tingin lang kung mabuti ba sila o masamang tao at alam ko kung kailan ako dapat mangaral at kung kailan naman hindi. Kapag angkop nang ipangaral ang ebanghelyo, alam ko kung magiging madali ba ito o posible. Lagi akong makakagawa ng paraan para dalhin ang ebanghelyo sa mga taong posibleng palaganapan nito.” Bagama’t may karanasan ka sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, napakababaw pa rin ng iyong buhay pagpasok. Bagama’t may kaunti ka nang karanasan sa buhay at nagbago ka na kahit papaano, nagyayabang ka paminsan-minsan para makapagpakitang-gilas. Hindi ba’t isa itong problema? Ang mga taong may mga kaloob ang pinakamalamang na makapagsalita ng kahambugan at kayabangan. Lagi nilang iniisip na mas mahusay sila kaysa sa iba, hilig nilang pagsabihan ang mga potensyal na tatanggap sa ebanghelyo, at lagi nilang gustong tinitingala at dinadakila sila ng mga tao. Hindi ba’t isa itong problema sa disposisyon? Makapagpapatotoo ba sa Diyos ang isang tao matapos lang niyang baguhin ang kanyang pag-uugali, at hindi ang kanyang disposisyon? Kung wala kang maibibigay na patotoo ng pagbabago sa disposisyon, kung ang kaya mo lang ay magsalita tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo para magpatotoo sa Diyos, nararapat ka bang gamitin ng Diyos? Pagkatapos tanggapin ng mga tao ang tunay na daan, kailangan nilang maunawaan ang katotohanan tungkol sa buhay pagpasok at ang katotohanan tungkol sa pagsasagawa. Kung wala kang totoong karanasan, at hindi mo alam kung paano tatalakayin ang tungkol sa iyong patotoong batay sa karanasan, hindi ba’t mga kakulangan ito? Kung lagi mong pinagtutuunan ang pagsasalita tungkol sa mga doktrina upang tingalain ka ng mga tao at maging mataas ang tingin nila sa iyo, kung lagi mong gustong magkaroon ng mataas na posisyon, pagpapatotoo ba ito sa Diyos? Hinding-hindi. Pagpapatotoo ito sa sarili. Pagkakaroon ito ng isang tiwaling disposisyon. Kung hindi ka sasailalim sa paghatol at pagkastigo, paano mo makakamit ang pagbabago sa iyong disposisyon? Nagsasalita ng ilang patotoong batay sa karanasan ang ilan sa mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, at nakikinabang nang husto ang kanilang mga tagapakinig mula rito, naaantig ang mga ito, at hinahangaan ng mga ito ang mga tagapagsalita mula sa kaibuturan ng puso ng mga ito. Pero, may mga may-takot-sa-Diyos na puso pa rin ang mga tagapagpalaganap na ito ng ebanghelyo. Hindi sila napopoot sa sinumang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Nagagawa nilang makipag-usap sa mga tao nang mula sa puso, makisama sa mga tao at makipagkaibigan nang normal sa mga ito, at talagang nagtataglay sila ng kaunting katwiran ng normal na pagkatao. Paano nila nagagawa ito? Pinatutunayan nito na may natamo sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa pinakamababa, nauunawaan nila ang ilang katotohanan, may kaunting kaalaman sa kanilang sarili, at medyo nagbago na ang kanilang mga buhay disposisyon, kaya hindi na sila nagiging mayabang. Kapag nakikita nila ang mga taong hindi pa tumatanggap sa ebanghelyo, iniisip nila, “Ganyan din ako dati, kaya hindi ko sila dapat maliitin. Hindi rin naman ako ganoon kahusay.” Hindi na katulad ng dati ang kanilang mentalidad. Sa sandaling makilala na ng mga tao ang kanilang sariling kalikasan, iisipin nilang natural lamang na makita nilang nagbubunyag ng kaunting kamangmangan, kahangalan, o kahinaan ang mga potensyal na tatanggap sa ebanghelyo. Huwag mong pagtawanan ang iba, at huwag mong yakapin ang damdamin o saloobin na ang iba ay parte ng masa ng mga karaniwan, at ordinaryong tao. Kung panghahawakan mo ang saloobing ito, hahadlangan at ikokompromiso nito ang iyong gawain ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Subalit minsan, lilitaw ang ganitong mga uri ng tiwaling kalagayan sa iyong puso kapag nakikita mo ang maraming tao na kasasampalataya pa lang sa Diyos. Halimbawa, sabihin nang 20 taon na simula nang tinanggap mo ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at 10 taon ka nang nagpapalaganap ng ebanghelyo. Kapag kasama mo ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo, lagi nilang mararamdaman na mas mataas ka kaysa sa kanila, sinasabi nila, “20 taon ka nang nanampalataya sa Diyos, samantalang katatanggap pa lang namin sa Kanya. Napakaliit pa rin ng aming tayog at, kung ikukumpara, siguradong napakalayo pa namin sa iyo. Nasa hustong gulang ka na, at kami ay mga bagong panganak na sanggol pa lang.” Ano ang dapat mong isipin kapag nagkukumpara sila nang ganoon? “Bagama’t tinanggap ko nang mas maaga ang Diyos kaysa sa sa kanila at mas matagal na akong nanampalataya kaysa sa kanila, malayong-malayo pa rin ako pagdating sa buhay pagpasok at sa katotohanan. Hindi ko pa natatanggap ang totoong paghatol at pagkastigo ng Diyos, at malayong-malayo pa rin akong maligtas at maperpekto.” Alam mo kung ano ka talaga sa iyong puso. Kahit gaano ka pa tingalain ng mga tao o kahit gaano man kataas ang tingin nila sa iyo, ano ang nararamdaman mo? “Isa lang akong ordinaryong tao, huwag ninyo akong tingalain.” Masusuklam ka at wala kang mararamdamang kasiyahan dahil, sa puso mo, malinaw mong nakikita na wala kang kakwenta-kwenta, na wala kang anumang nauunawaang katotohanan, at na ilang salita at doktrina lang ang kaya mong sabihin. Ang mga tao ay hangal at madali silang tumingala sa iba. Kung ikinatutuwa mo ang pakiramdam na tinitingala ka ng iba at ikinasisiya mo ito, nasa panganib ka. Kung nayayamot ka rito at gusto mo nang umalis sa ganitong klase ng sitwasyon, kung ayaw mong tinatrato ka ng iba sa ganitong paraan, pinatutunayan niyon na may kaunti kang pagkakilala sa iyong sarili. Ito ang tamang kalagayan, at sa loob nito, malamang na hindi ka makagawa ng mga pagkakamali o makagawa ng mga maling bagay.

Ang mga sitwasyong tinatalakay Ko ay ang mga karaniwan na kinakaharap ng mga tao sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Sa negatibong panig ng mga bagay, kailangan ninyong iwasan ang ilang hindi angkop na paraan ng pagsasalita, mga pagsasagawa, at pag-uugali at tiyakin ninyong hindi nagbubunyag ang inyong disposisyon ng mga di-angkop na bagay na hindi ayon sa katotohanan. Sa positibong panig naman, habang ginagampanan ang tungkuling ito, dapat kayong magkaroon ng saloobin ng katapatan at pagiging responsable sa inyong tungkulin hanggang sa wakas. Sa ganitong paraan, magagampanan ninyo ang inyong tungkulin nang maayos. Sa prosesong ito, dapat unti-unti ninyong hangarin ang katotohanan at ang mga prinsipyo nang sa gayon ay maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos, at sikaping magtiyaga at manatiling tapat hanggang sa huli sa pagganap ng bawat tungkuling mayroon kayo. Kahit ano pang uri ng tungkulin ang ginagampanan ninyo, dapat magawa ninyong mapalugod ang Diyos at maalala Niya kayo dahil sa mga bagay na iyon na ginawa ninyo nang maayos at kapuri-puri. Sa panahon ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat sikapin mong mabawasan nang mabawasan ang mga pagsalangsang na nagagawa mo at mabawasan nang mabawasan ang mga pagkakamaling nagagawa mo. Dapat mabawasan na nang mabawasan ang mga pagkakataon kung kailan nakikipagkasundo ka o naghahangad ka ng mga gantimpala, o may ambisyon at matinding pagnanasa kang gawin ang mga iyon, habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Kasabay nito, dapat aktibo mong hangarin na matupad ang iyong mga responsabilidad, matupad ang mga ito nang lubusan, at ituring mo ang iyong tungkulin bilang isang bagay na pananagutan mo. Gayundin, sikapin mong gawin ang iyong tungkulin nang sa gayon, kapag binalikan mo ito pagkaraan ng maraming taon, magiging malinis ang iyong konsensiya. Ibig sabihin, dapat mong unti-unting bawasan ang mga bagay na nagiging dahilan para maramdaman mong may pagkakautang ka. Hindi ka maaaring magpatuloy nang hindi ka man lang nagbabago. Ipagpalagay nang hindi mo ginawa nang maayos ang iyong tungkulin habang ipinapalaganap mo ang ebanghelyo sa isang potensyal na tatanggap, at naasiwa ka dahil dito, na para bang may pagkakautang ka, at pakiramdam mo ay hindi sapat ang iyong paghahanda. Ngunit, nang ipalaganap mo ang ebanghelyo pagkatapos nito, ganoon pa rin ang kalagayan mo at wala ka pa ring ginawang mga pagbabago. Ibig sabihin, hindi ka man lang lumago sa loob ng panahong ito. Ano ang kinakatawan ng kawalan ng paglago na ito? Ibig sabihin, hindi ka nagsagawa o hindi mo natamo ang aspektong ito ng katotohanan; ibig sabihin, mga doktrina lang para sa iyo ang mga bagay na ito na ibinabahagi Ko. Kung paunti nang paunti ang mga pagsalangsang na nagagawa mo, paunti nang paunti ang mga pagkakamaling nagagawa mo, nararamdaman mong nababawasan na ang pagkakautang mo at hindi ka na masyadong inuusig ng iyong konsensiya, ano ang kinakatawan nito? Ibig sabihin nito ay lalong nagiging dalisay ang pagganap mo sa iyong tungkulin, at lalong tumitindi ang iyong pagpapahalaga sa responsabilidad. Sa madaling salita, lalo kang nagiging tapat sa pagganap mo sa iyong tungkulin. Halimbawa na lang, dati, nakasalalay sa mga pamamaraan ng tao ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, sa halip na sa pagbabahagi sa katotohanan o pagbibigay ng interpretasyon sa mga talata sa Bibliya. Ngayon, tila hindi na angkop ang gayong pamamaraan, hindi iyon ang dapat na gawin ng isang taong tumatanggap ng atas ng Diyos, at iyon ay nagdudulot ng kahihiyan sa Diyos. Naramdaman na ba ninyo ito? Hindi siguro ganito ang nararamdaman ninyo ngayon, pero balang araw, pagkatapos mong sangkapan ang iyong sarili ng mas maraming iba’t ibang uri ng katotohanan at pagkatapos tamuhin ang isang partikular na tayog, gagamit ka ng mas tumpak at praktikal na saloobin at perspektiba kapag tinitingnan mo ang mga dati mong pagsasagawa. Pinatutunayan nitong naging normal na ang panloob mong kalagayan. Sa ngayon, wala kang anumang nararamdaman tungkol sa dati mong mga pagsasagawa, hindi mo kinasusuklaman ang mga ito, at wala kang tamang pananaw at paghusga sa mga ito. Sa halip, wala kang pakialam. Hindi ba’t lubhang nakakabahala ito? Pinatutunayan nitong wala kang taglay na kahit anong katotohanan hinggil sa ganoong mga bagay. Mayroon ka pa ngang manhid na saloobin sa iba’t ibang masamang gawa at panlalansi ng tao at sa mga pagsasagawa niyang iyon na hindi umaaayon sa katotohanan, tumatanggap, nakikisimpatiya, at nakikiayon ka pa nga sa maruruming bagay na ito. Ano kung gayon ang panloob mong kalagayan? Minamahal mo ang mga di-matuwid na bagay, minamahal mo ang mga bagay na may kaugnayan sa kasalanan, at minamahal mo ang mga bagay na hindi umaaayon, bagkus ay sumasalungat sa katotohanan. Lubhang nakakabahala ito. Kung patuloy kang kikilos alinsunod sa mga pagsasagawang ito, mahaharap ka sa isang masaklap na kahihinatnan. Ano ang kahihinatnang ito? Patuloy kang nag-iipon ng masasamang gawa at palayo ka nang palayo sa landas ng kaligtasan. Bakit Ko nasasabing palayo ka nang palayo? Dahil, sa proseso ng pagganap ng tungkuling ito, bigo kang hangarin ang katotohanan at hindi mo sinusunod ang mga prinsipyo sa mga bagay na ginagawa mo. Sinusunod mo lang ang sarili mong kalooban at mga kagustuhan. Kaya paano mo magagampanan ang iyong tungkulin nang maayos? Ang layon ng iyong paggawa sa iyong tungkulin ay hindi para pumasok sa katotohanan, kundi para tapusin ang isang gampanin at pagkatapos ay magkwento tungkol sa iyong sarili. Hindi kalooban ng Diyos ang sinusunod mo, at hindi atas ng Diyos ang tinatanggap mo. Ang mga kalikasan ng mga bagay na ito ay magkaiba. Kaya, habang ipinapalaganap mo ang ebanghelyo, hindi mo tinatahak ang landas na patungo sa kaligtasan, kundi ang landas ng pagtatrabaho, ang landas ni Pablo na nakipagkasundo sa Diyos. Sa malao’t madali, batay sa lahat ng ginagawa mo, kaparehas ng kay Pablo ang kalalabasan na itatakda ng Diyos para sa iyo. Hindi ba’t ito ang magiging resulta? Tiyak ngang ito ang magiging resulta. Sa kabaligtaran, kung sa proseso ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, praktikal lahat ang iyong mga pamamaraan at gawi, ang simulain at layunin mo ay ang magbigay-lugod sa Diyos at suklian ang pagmamahal ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng pagkilos mo at ang landas na tinatahak mo ay alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at naaayon sa katotohanan, anong resulta ang makakamit ng gayong pagsasagawa? Lalalim nang lalalim ang pagkaunawa mo sa katotohanan, lalong magiging ayon sa mga prinsipyo ang pangangasiwa mo sa mga bagay-bagay, lalago nang lalago ang buhay mo, at unti-unting madaragdagan ang pananampalataya, pagmamahal, at pagkamatapat mo sa Diyos. Sa ganitong paraan, matatahak mo ang landas ng kaligtasan. Kasabay nito, sa proseso ng pagganap sa iyong tungkulin, unti-unti mong susuriin ang sarili mong paghihimagsik at katiwalian at susuriin mo ang iba’t iba mong tiwaling disposisyon. Pagkatapos, sa proseso ng pagganap sa tungkuling ito, lalo mong mapipigilan ang iyong sarili at magtataglay ka ng may-takot-sa-Diyos na puso at pagpapasakop. Pagkatapos, lalong titindi ang iyong pagpapahalaga sa responsabilidad at lalo pang magiging dalisay ang iyong pagkamatapat. Lalalim din ang takot mo sa Diyos. Kasabay nito, lalo pang dadami ang iyong karanasan at kaalaman sa realidad ng iba’t ibang katotohanan. Sa ganitong paraan, ganap na magiging baligtad sa landas na tinahak ni Pablo ang landas na tinatahak mo. Ito ang landas ni Pedro sa paghahangad sa katotohanan. Ang landas na ito ang landas sa kaligtasan. Para naman sa huling resulta, ikaw mismo ang makararanas nito. Sasang-ayunan ka ng Diyos, at lalong makakaramdam ng kapayapaan at kaligayahan ang iyong puso. Sa mga mata ng Diyos, hindi mahalaga kung naka-ilang pihit at liko ang iyong landas, kung naka-ilang beses kang nag-iba ng daan, o kung anong pagkanegatibo, kahinaan, o kahit pa nga mga pagkabigo at pagkabuwal ang naranasan mo. Kapag tiningnan sa kabuuan ang nagawa mo, ang ibinunyag mo, at ang ipinamalas mo, ang landas na nilalakaran mo ay magiging landas ng kaligtasan. Kaya, paano pagpapasyahan ng Diyos ang iyong kalalabasan? Hindi magmamadali ang Diyos na pagpasyahan ang iyong kalalabasan. Maingat at buong tiyaga kang susuportahan, tutulungan, at aakayin ng Diyos sa landas ng kaligtasan. Tutulutan ka Niyang matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at sa wakas ay gagawin ka Niyang perpekto. Sa ganitong paraan, lubos at ganap kang maliligtas. Samakatuwid, mula sa perspektibang ito, sa pagganap sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, hindi ba’t may oportunidad at posibilidad ang mga tao na tahakin ang landas ng kaligtasan? (Mayroon.) May ganito silang oportunidad at posible talaga ito. Depende lang ito sa kung kaya ba nilang hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan.

Ngayon, pangunahin tayong nagbahaginan tungkol sa iba’t ibang katotohanan sa paggampan ng tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Balikan natin ang paksa na simula ng ating pagbabahaginan. Ano ang dapat nating itawag sa mga gumaganap ng tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? (Mga taong gumaganap sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo.) Tama iyan. Hindi sila maaaring tawaging mga saksi, tagapangaral, at lalong hindi mga sugo ng ebanghelyo. Sa huling pagsusuri, sila ay mga taong nagpapalaganap sa ebanghelyo. Huwag na huwag mong tawaging saksi ang sarili mo. Hindi makakasaksi ang mga tao sa anumang bagay, at sapat na kung hindi sila magbibigay ng kahihiyan sa Diyos. Mas malala naman kung tatawagin mong tagapangaral ang sarili mo. Malayong-malayo ka rito. Ang ipinapangaral mo ay hindi ang “daan” at ang mga bagay na ipinapangaral mo ay malayong-malayo sa “daan.” Kaya, kung magkakasundo tayo sa tawag na “mga taong nagpapalaganap sa ebanghelyo,” magkakaroon ang lahat ng tumpak na depinisyon sa tungkuling ito, na mga tao lang silang gumaganap ng tungkuling ito. Hindi talaga sila mga saksi o tagapangaral. Malayong-malayo sila sa mga bagay na iyon. Kung tatawagin mo silang mga saksi o tagapangaral, hindi ba’t mararamdaman nilang nakatataas sila sa iba? Madali para sa mga tao ang magpakitang-gilas at maging mahangin. Mabuti o masama ba ang ganitong pagpapakitang-gilas at pagiging mahangin? (Masama.) Kung hindi mo itinataas at iniaangat ang mga tao, lagi nilang gustong maging mahangin. Kung itinataas mo sila, kung tinatawag mo silang mga saksi, tagapangaral, o sugo ng ebanghelyo, ano na lang kaya ang magiging ugali nila matapos nilang makatanggap ng gayong papuri? Magiging masyado na silang mahangin na liliparin na sila. Ngayon, may batayang pagkaunawa na ba kayo sa iba’t ibang katotohanan na kinakailangan sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? (Mayroon.) Para magampanan nang maayos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng maraming katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako nagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya kailangan ko bang sangkapan ang sarili ko ng katotohanan?” Sinasabi naman ng ibang tao, “Hindi ko alam kung kailan ko maipapalaganap ang ebanghelyo. Hindi pa ako kailanman nagpalaganap ng ebanghelyo at hindi ako magaling magsalita, kaya paano ko maipapalaganap ang ebanghelyo?” Maaaring hindi mo maipalaganap ang ebanghelyo, pero hindi mo ba masasangkapan ang sarili mo ng mga katotohanan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo? Hindi ka ba puwedeng magsanay na magsalita at makipagkilala sa mga tao? Kung may pagpapahalaga ka sa misyon at responsabilidad, kung gusto mong tuparin ang tungkuling ito nang maayos at makipagtulungan sa Diyos, kung gayon, dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga katotohanan sa pagpapalaganap sa ebanghelyo. Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga katotohanan ng pangitain at pagsasagawa. Kailangan ng mga hinirang ng Diyos na masangkapan ng mga katotohanang may kaugnayan sa dalawang aspektong ito dahil hindi kailanman kalabisan na sangkapan ang iyong sarili ng mga katotohanang ito. Hindi lamang ito tumutukoy sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, bagkus ay mga katotohanan din ito na dapat maunawaan ng sangkatauhan. Paano nakikinabang ang mga tao sa pagkaunawa sa mga katotohanang ito? Anong mga pagpapala ang maibibigay nito sa kanila? Siguro ay nauunawaan ng lahat ang pangkalahatang ideya, subalit habang patuloy na umuunlad at lumalalim ang gawain ng Diyos, patuloy na mararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at patuloy ring uunlad at lalalim ang pagkaunawa nila sa katotohanan. Lalong magiging malapit ang ugnayan nila sa Diyos at lalong dadalas ang kanilang pakikisalamuha sa Kanya. Paunti-unti, ikukumpara ng mga tao ang mga katotohanang nauukol sa pangitain at sa gawain ng Diyos sa mga gawa ng Diyos at sa saloobin ng Diyos patungkol sa bawat indibiduwal. Ang hakbang-hakbang na prosesong ito ng pagkukumpara ay ang proseso ng pagkilala sa Diyos. Bilang isang nilikha, matagal na panahon ka nang sumasampalataya sa Diyos, pero hindi mo alam kung sino ang Diyos o kung paano Siya nagpapakita at gumagawa. Hindi ba’t masyadong magulo at nakakalito ang gayong pananampalataya? Napakaraming taon mo nang ginagampanan ang iyong tungkulin. Pero kung, sa bandang huli, wala ka pa ring nalalaman tungkol sa Diyos, kung gayon, walang saysay ang naging pananampalataya mo sa Diyos. Kung maririnig mo ang mga diyablo na nagkakalat ng tsismis tungkol sa Diyos, maniniwala ka ba sa kanila? (Hindi kami maniniwala.) Sinasabi mo ngayon na hindi ka maniniwala sa gayong mga bagay, pero kung tunay na hindi mo nauunawaan ang Diyos, pagdating ng araw na marinig mo ang mga tsismis na ito, magkakaroon ka ng mga pagdududa at pagbubulay-bulayan mo ang mga naturang salita sa iyong puso, iisipin mo, “Totoo kaya ito? Magagawa nga kaya ng Diyos ang gayong bagay?” Dahil naaasiwa ka, hindi mo gugustuhing gawin ang iyong tungkulin. Dahil naimpluwensiyahan ka na ng mga tsismis na ito, mararamdaman mong malabo at madilim ang landas na nasa harapan mo, kaya maliligaw at malilito ka. Laging naliligaw at nalilito ang mga tao, bakit ganoon? Hindi nila alam kung nasaan ang Diyos, o kung mayroon nga bang Diyos, kaya palagi silang naliligaw at nalilito. Sa anong mga kondisyon lumilitaw ang kalituhang ito? Lumilitaw ito kapag naguguluhan ang mga tao sa maraming tila magkakasalungat na bagay kaya hindi nila makita nang malinaw ang direksyong dapat tahakin at hindi nila alam kung aling daan ang dapat piliin. Kaya, naliligaw at nalilito sila. Makikita ba ninyo nang malinaw at makikilatis ang maraming bagay na nasa harapan ng inyong mga mata at masusundan ba ninyo ang tamang landas? Kinakailangan dito ang pagkaunawa mo sa Diyos, ang pagkaarok mo sa katotohanan, at kung hanggang saang antas ka nasasangkapan ng katotohanan. Ano ba ang ibig sabihin kapag laging naliligaw at nalilito ang mga tao? Talaga nga bang hindi nila nakikita ang daan na nasa harapan nila? Talaga nga bang bulag ang mga naliligaw at nalilito? Hindi, pagkabulag ito ng puso at pagkamanhid sa katotohanan, sa Diyos, at sa mga paghatol sa lahat ng tao, pangyayari at bagay. Bakit sila manhid? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nila alam ang mga gawa ng Diyos, hindi nila alam ang disposisyon ng Diyos, at wala silang batayan para tumpak na mahusgahan ang lahat ng bagay. Kaya, wala silang pamantayan sa paghatol at pagsasalarawan ng katangian ng anumang bagay. Magulo ang isip nila, nakikita nila ang lahat ng bagay nang walang kalinawan o pagkaunawa, at hindi sila makapanghusga. Hindi rin nila mabigyang depinisyon ni makilatis ang mga bagay-bagay. Pagkamanhid ang tawag dito. Nauuwi sa pagkabulag ang pagkamanhid, at ang pagkabulag ay nagdudulot sa mga tao na makaramdam ng pagkaligaw at pagkalito. Ganoon ang nangyayari. Kaya bakit hindi pa rin makakilatis ng mga bagay-bagay ang mga taong maraming taon nang nakikinig sa mga sermon? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Hindi nila makilatis ang kahit anong bagay, sa halip, pikit-mata silang sumusunod sa mga regulasyon at basta na lamang bumubuo ng mga kongklusyon. Maituturing ba itong pagkabulag? Bagama’t hindi masasabing ganap silang bulag, medyo bulag na sila. Sa katunayan, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilatis ang anumang bagay. Kahit gaano pa katagal nang nananampalataya sa Diyos ang isang tao o kahit gaano pa karaming sermon na ang napakinggan niya, kung hindi niya kailanman nauunawaan ang katotohanan, ibig sabihin nito ay ang kakayahan niya ang siyang may problema. Tuwirang may kaugnayan ito sa kung may espirituwal na pang-unawa ba siya o wala. Karamihan sa mga taong maraming taon nang nakikinig sa mga sermon ay may mauunawaan naman sa katotohanan, at marahil ay may kaunti naman kayong nauunawaan, pero wala lang kayong angkop na kapaligiran, kaya hindi ninyo nagagamit ang ilang katotohanan at pakiramdam pa rin ninyo ay hindi ninyo nauunawaan ang mga ito. Kapag tunay na ikaw mismo ang nakararanas nito, kapag kailangan mo nang magdesisyon o kailangan mo nang seryosong pag-isipan ang mga bagay-bagay, marahil ay unti-unting magiging malinaw sa iyo ang mga nauugnay na aspekto ng katotohanan. Sa ngayon, ang mga impresyon mo ay puno ng mga di-pulido, hungkag na balangkas at mga bagay na pangdoktrina. Habang unti-unti kang lumalago sa karanasan at nagkakaedad, unti-unting magiging lalong praktikal at realistiko sa iyo ang maraming katotohanan. Sa pamamagitan nito ay lalo mo pang makikita ang diwa ng katotohanan. Sa ganitong paraan, maaari kang tunay na magtamo ng pagkaunawa sa katotohanan at matitingnan mo ang mga problema nang may sensitibidad. Kahit gaano pa karaming sermon ang pakinggan ng mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan, hindi nila makikilatis ang mga pagpapamalas ng pagkatao, ng mga tiwaling disposisyon, ng iba’t ibang kalagayan ng tao, at ng mga diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, kahit dilat na dilat pa ang dalawang mata nila. Bulag sila. Ngunit sa panlabas, para bang hindi nakikinig ang isang taong naghahangad sa katotohanan, pero magkakaroon siya ng reaksyon sa ugali at asal ng iba sa kanyang puso at hindi niya mamamalayang nakakabuo na pala siya ng impresyon sa naturang bagay. Saan nanggagaling ang impresyong ito, ang pakiramdam na ito? Ang mga katotohanang nauunawaan nila ang nagbibigay sa kanila ng kakayahang makakilatis. Binibigyan nito ang gayong mga tao ng depinisyon para sa diwa ng ganoong uri ng ugali, pagsasagawa, o pagpapamalas. Saan nanggagaling ang depinisyong ito? Ang katotohanan ang nagdudulot sa mga tao ng pagkaunawa, at ang katotohanan ang nagbibigay sa mga tao ng pagkakilatis at paghusga. Sa ngayon, nakakaunawa kayo ng ilang katotohanan at may kaunti kayong pagkilatis sa ilang partikular na bagay. Ngunit hindi ganoon katumpak ang pagkilatis ninyo, kaya wala pa rin kayong nararamdamang kasiguraduhan, at nasa proseso pa rin kayo ng pangangapa sa inyong daang pasulong. Sinasabi ng ilang tao na, “Kung ganoon, dapat makipagbahaginan Ka sa amin tungkol sa lahat ng bagay.” Hindi ito kinakailangan. May mga responsabilidad na pantao ang mga tao, at may sariling saklaw ng gawain ang Diyos. Nasabi Ko na sa inyo ang bawat aspekto ng katotohanan, ang natitira na lang ay ang maranasan ninyo ang iba’t ibang uri ng tao, pangyayari, at bagay sa inyong pang-araw-araw na buhay. Kikilos at mamamatnugot ang Banal na Espiritu. Kinakailangang gawin ng mga tao ang isang bagay: ang makipagtulungan at maghangad bilang mga tao. Kung hindi ka makikibahagi sa paghahangad na ito, kahit gaano kalinaw Ko pa itong ipaliwanag, hindi mo ito mauunawaan. Hindi kita sapilitang dodoktrinahan, hindi kita pipiliting makaalam, makaunawa, at makapasok. Hindi Ko gagawin iyon, at hindi rin gagawin iyon ng Banal na Espiritu. Sa pamamagitan lamang ng iyong bukal sa loob, boluntaryo, at aktibong pagsasagawa at pagpasok sa katotohanan magbubunga ang katotohanan sa loob mo nang hindi mo namamalayan. Kapag nagbubunga ang katotohanan, mapupuno ng liwanag ang iyong puso. Ganito ang pag-unawa sa katotohanan. Pero kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, magiging manhid ka sa lahat ng bagay, mabagal tumugon, at hindi mo makikilatis ang anumang bagay. Halimbawa, kapag may ginagawa ang isang tao, at sinasabi ng iba na isa itong masamang gawa at ang kalikasan nito ay ganito-at-ganyan, hindi mo malalaman at hindi mo ito mismo makikita. Kapag sinabi sa iyo ng isang tao ang sagot, maaaring tanggapin at aminin mo ito batay sa mga doktrina, pero kung ang diwa ang pag-uusapan, hindi mo pa rin ito masasang-ayunan. Kung hindi mo maibigay ang iyong pagsang-ayon, nauunawaan mo ba talaga? Hindi mo nauunawaan, kaya ang magagawa mo lang ay ang sumunod sa mga regulasyon para maharap mo ang mga bagay na nararanasan mo. Nangyayari ito dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan.

Paano mo magagampanan nang maayos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo? Una sa lahat, dapat mong maunawaan ang iba’t ibang katotohanang kinakailangan sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Halimbawa, kaugnay ng depinisyon at kinalalagyan ng tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo, pati na ang wastong saloobing dapat taglayin, ang tamang pagdurusang dapat tiisin, ang angkop na halagang dapat ibayad, at ang angkop na mga katotohanang dapat isagawa at pasukin kapag ginagampanan ang tungkuling ito, kung nauunawaan mo ang mga katotohanang ito, magiging madaling gampanan nang maayos ang tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Bukod dito, ang negatibo rito ay dapat pagnilay-nilayan ang lahat ng mga katanungan sa kung aling mga maling pagsasagawa ang dapat iwasan, kung alin ang ikinaklasipika bilang mabubuting intensyon ng tao, at kung ganap bang nakakasunod ang mga ideya at pagsasagawa ng mga tao sa mga prinsipyo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Ibig sabihin, dapat malinaw na suriin ang bawat ugali, bawat pagsasagawa, bawat prinsipyo, at bawat kongklusyon sa proseso ng pagpapalaganap sa ebanghelyo para makita kung, sa huli, naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Magpursigi lamang sa mga bagay na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ang mga hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo ay dapat talikuran. Sa ganitong paraan lamang unti-unting bubuti ang mga resultang mula sa pagtupad sa tungkulin ng pagpapalaganap sa ebanghelyo. Dagdag pa rito, dapat kang maayos na makipagtulungan, na pinakakapaki-pakinabang sa gawaing ebanghelyo. Kung wala ang maayos na pagtutulungan, mahirap isakatuparan ang gawain. Dapat maging mapagparaya at mapagpasensya ang mga kapatid sa isa’t isa at suportahan nila ang isa’t isa. Para magampanan nila nang maayos ang kanilang mga tungkulin, kinakailangan ang maayos na pagtutulungan. Sinumang nagsasabi ng kung ano ang tama ay dapat na sundin. Huwag mong laging isipin na tama ka at mali ang iba. Dapat kang tumukoy ayon sa mga salita ng Diyos. Magbahaginan tungkol sa katotohanan ayon sa mga prinsipyong itinakda ng sambahayan ng Diyos para magkaroon ng kasunduan. Bukod dito, sa proseso ng pagtutulungan para magampanan ang inyong tungkulin, dapat matuto kayo sa isa’t isa, hinahayaang mapunan ng kalakasan ng isang tao ang pagkukulang ng iba, at huwag kayong maging masyadong malupit sa iba. Dagdag pa rito, dapat maging maingat at mapagtimpi kayo at umasa sa pagmamahal sa pakikitungo ninyo sa mga taong nagsisiyasat sa tunay na daan. Ito ay dahil lahat ng nagsisiyasat sa tunay na daan ay walang pananampalataya—maging ang mga relihiyoso sa kanila ay humigit-kumulang mga walang pananampalataya—at lahat sila ay marurupok: Kung sakaling may anumang hindi umaayon sa kanilang mga kuru-kuro, malamang na kontrahin nila iyon, at kung sakaling hindi umaayon ang anumang parirala sa kanilang kagustuhan, malamang na labanan nila iyon. Samakatuwid, ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa kanila ay nangangailangan ng ating pagpaparaya at pagpapasensya. Nangangailangan iyon ng ating matinding pagmamahal, at nangangailangan ng ilang pamamaraan at diskarte. Gayunman, ang mahalaga ay basahan sila ng mga salita ng Diyos, iparating sa kanila ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos para iligtas ang tao, at iparinig sa kanila ang tinig ng Diyos at ang mga salita ng Lumikha. Sa ganitong paraan, magtatamo sila ng mga pakinabang. Ang pinakamahalagang prinsipyo ng pagpapalaganap sa ebanghelyo ay ang hayaan ang mga nauuhaw sa pagpapakita ng Diyos at nagmamahal sa katotohanan na basahin ang mga salita ng Diyos at marinig ang tinig ng Diyos. Samakatuwid, huwag masyadong talakayin sa kanila ang mga salita ng tao bagkus ay lalo pang basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos mong magbasa, ibahagi mo ang tungkol sa katotohanan para marinig nila ang tinig ng Diyos at may maunawaan sila tungkol sa katotohanan. Pagkatapos, malamang na magbalik-loob sila sa Diyos. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay responsabilidad at obligasyon ng bawat isa at ng lahat. Kahit kanino pa maatang ang obligasyong ito, hindi nila ito dapat iwasan o hindi sila dapat magdahilan o magpalusot para tanggihan ito. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mahusay magsalita, hindi ko nauunawaan ang Bibliya, at napakabata ko pa. Anong magagawa ko kung maharap ako sa tukso o panganib?” Mali ang gayong mga salita. Ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ay hindi nangangahulugang inaatasan kang gumawa ng mga delikadong bagay. Hindi papayag ang sambahayan ng Diyos na mapunta ka sa isang mapanganib na lugar. May sinusunod na mga prinsipyo ang iglesia sa pagtatalaga ng mga tao para magpalaganap ng ebanghelyo. Hindi ito tungkol sa paglalagay sa mga tao sa alanganin, bagkus ay sa paggawa ng mga makatwirang pagsasaayos batay sa mga indibiduwal na kondisyon, kakayahan, at kalakasan. Nagtutulungan ang mga kapatid, at ibibigay ang gawain sa mga pinakaangkop na gumanap nito. Hindi masasabing wala itong anumang panganib. Sinumang nabubuhay ay mahaharap paminsan-minsan sa panganib. Kung tuwiran kang ipinapadala ng Diyos, obligado kang tanggapin ito, kahit mangahulugan pa itong mahaharap ka sa tukso, hapis, o panganib. Bakit dapat mo itong tingnan bilang obligasyon na dapat mong tanggapin? (Responsabilidad ito ng mga tao.) Tama, sa ganitong paraan mo lamang tunay na kikilalanin bilang responsabilidad at tungkulin mo ang pagpapalaganap sa ebanghelyo. Ito ang wastong saloobin na dapat mayroon ang isang tao. Ito ang katotohanan, at bilang ang katotohanan, dapat itong tanggapin ng mga tao, at tanggapin ito nang walang pasubali. Kung isang araw ay hindi na angkop na gampanan mo ang ibang mga tungkulin, o kung kailangan ng mga taong magpapalaganap sa ebanghelyo, kaya naman inatasan kang magpalaganap ng ebanghelyo, ano ang gagawin mo? Dapat mo itong tanggapin bilang obligasyon na dapat mong gawin, nang walang anumang pag-aalinlangan, pagsusuri, o pagsisiyasat. Ito ay atas ng Diyos. Responsabilidad mo ito; tungkulin mo ito. Hindi ikaw ang dapat pumili at magpasya rito. Dahil sinusunod mo ang Diyos, hindi ikaw ang dapat magpasya para sa sarili mo. Bakit hindi ikaw ang dapat magpasya? Dahil atas ng Diyos ang pagpapalaganap sa ebanghelyo, at lahat ng hinirang ng Diyos ay may bahagi sa gawaing ito. Sinasabi ng ilang tao, “Mahigit 80 taon na ako, hindi na nga ako makalabas ng bahay. Maaari pa rin bang ipagkatiwala sa akin ng Diyos ang atas na ito?” Sinasabi naman ng iba, “18 o 19 lang ako, wala pa akong masyadong alam sa mundo, at hindi ako marunong makisalamuha sa mga tao. Lubhang mahiyain at takot akong magsalita sa publiko. Maipagkakatiwala pa rin ba sa akin ng Diyos ang tungkuling ito?” Ibinibigay pa rin sa iyo ng Diyos ang atas na ito kahit ano pa ang mangyari. Anuman ang edad mo, dapat mong gawin ang lahat ng makakaya mo para gampanan ang iyong tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo. Ipalaganap mo ito sa abot ng iyong makakaya at sa pinakamaraming taong maaabot mo. Kahit ano pang tungkulin ang kasalukuyan mong ginagampanan, dapat mong gawin ang anumang makakaya mo para ipalaganap ang ebanghelyo. Kung isang araw ay magkaroon ka ng oportunidad na ipalaganap ang ebanghelyo sa isang tao, dapat mo ba itong gawin? (Oo.) Tama iyan. May kani-kanyang mga tungkulin ang maraming tao, pero kaya nilang ipalaganap ang ebanghelyo sa libre nilang oras at magkamit pa nga ng mga resulta. Sinasang-ayunan ito ng Diyos. Samakatuwid, may responsabilidad ang lahat ng tao na ipalaganap ang ebanghelyo. Hindi ka dapat gumawa ng sarili mong kapasyahan o umiwas sa responsabilidad na ito, bagkus ay aktibo at kusang-loob kang makipagtulungan. Huwag magkaroon ng pasibo o negatibong saloobin, huwag tumanggi, huwag kang gumawa ng anumang dahilan o palusot para hindi mo magampanan ang tungkuling ito. Sinasabi ng ilang tao, “Masyadong mapanganib ang kapaligirang kinalalagyan ko. Maaari ba akong huminto sa pagpapalaganap ng ebanghelyo?” Kung kasalukuyang maliit ang tayog mo, kung may ibang maaaring humalili sa iyo, at maaari ka namang gumanap ng ibang tungkulin, maaari mong palitan ng iba ang tungkuling ito. Pero ano ang dapat mong gawin kung ikaw ang siyang dapat gumanap sa tungkuling ito? (Obligasyon ko na tanggapin ito.) Tama iyan. Obligasyon mong tanggapin ito at tanggapin ito mula sa Diyos. Responsabilidad at obligasyon ito ng bawat nilikha. Sinasabi ng ilang tao, “Mahina ang pangangatawan ko, kaya hindi ko kakayanin ang hirap na lumabas para ipalaganap ang ebanghelyo.” Kung hindi mo kayang tiisin ang matinding hirap na ito, kaya mo bang tiisin man lang ang mas maliliit na paghihirap? Kung wala kang kayang tiisin na anumang hirap, hindi ba’t dapat mong pagdusahan ang matinding hirap ng kaparusahan? Hangga’t buhay ka at humihinga, dapat mong gampanan ang iyong tungkulin, dapat mong ipalaganap ang ebanghelyo. Ito ay ganap na likas at may katwiran. Kung tinatanggihan mo ang iyong tungkulin, hindi ipinapangaral ang ebanghelyo, at pinipiling iwasan at takbuhan ang iyong mga responsabilidad, hindi ito ang wastong saloobin ng isang nilikha, ni hindi dapat magkaroon ang mga tao ng saloobing lumalaban at depensibo. Dapat maging handa ang mga taong gawing kanilang obligasyon at tungkulin ang pagpapalaganap sa ebanghelyo sa lahat ng oras at sa lahat ng dako. Sinasabi ng ilang tao, “Napakaraming taon ko nang nananampalataya sa Diyos, pero hindi ako kailanman inatasan ng iglesia na ipalaganap ang ebanghelyo.” Mabuti o masama ba ito? Hindi mabuti o masama ang usapin dito. Marahil ay hindi ka pa kailangan ng Diyos na magpalaganap ng ebanghelyo, pero kailangan ka Niyang gumawa ng ibang tungkulin. Mahalaga ang lahat ng tungkulin, kaya paano ka dapat mamili sa mga ito? Dapat kang magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia, nang walang anumang personal na inaasam. Kapag kailangan ka ng Diyos para ipalaganap ang ebanghelyo, sasabihin ng Diyos, “Hindi angkop o mahalaga para sa iyo na gampanan ang kasalukuyan mong tungkulin. Mas mahalaga ang tungkulin na ipalaganap ang ebanghelyo.” Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Dapat mo itong tanggapin bilang isang bagay na obligasyon mong gawin, nang hindi nagsusuri, nanghuhusga, o nagsisiyasat, lalong hindi mo ito dapat labanan o tanggihan. Ito ang tamang saloobin na dapat mayroon ang isang nilikha patungkol sa Lumikha. Kapag gayon ang nagiging saloobin ng mga tao, maaari bang sabihin, kahit papaano, na normal at naaangkop ang ugnayan sa pagitan nila at ng Diyos? Sa ano naipapamalas ang ugnayan sa pagitan ng tao at ng Diyos? Naipapamalas ba ito sa kung paano mo tinatrato ang mga bagay na ipagagawa sa iyo ng Diyos. Kung ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos na gawin ang isang bagay at pinag-iisipan at pinagbubulay-bulayan mo ito, tinatanong “Bakit gusto Mong gawin ko ito? Makikinabang ba ako rito?”—kung ganito ka mag-isip, hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos, at nabigo kang magpasakop sa Diyos. Kung sasabihin mo, “Isa itong mahalagang bagay na ipinagawa sa akin ng Diyos. Hindi ako maaaring maging pabaya sa ipinapagawa sa akin ng Diyos. Dapat ko itong pangasiwaan nang buong ingat. Anuman ang ipagawa sa akin ng Diyos, anuman ang ipagkatiwala sa akin ng Diyos, tungkulin ko iyon. Makikinig ako sa Diyos at gagawin ko ang anumang isinasaayos ng Diyos. Hindi ako maaaring tumanggi. Kung hindi ako makapananatiling matatag sa aking tungkulin, kung tatanggi ako, kung hindi ko ito seseryosohin, kung hindi ko ito kukumpletuhin nang maayos, pagkakanulo iyon sa Diyos”—kung gayon, mayroon kang katwirang angkop para sa isang nilikha at naisangkap mo na ang tamang saloobin na dapat mayroon ang isang nilikha para sa tungkulin nito. Kung, alam na alam mo namang atas ito ng Diyos, pero tumatanggi ka pa ring tanggapin ito at pinangangatwiranan mo ang pagpapabayang ito sa iyong tungkulin, kung gayon ay malala na ang kalikasan ng problema. Hindi lang ito paghihimagsik laban sa Diyos, pagkakanulo ito sa Diyos. Kung sumasampalataya ka sa Diyos, dapat pumosisyon ka bilang isang nilikha at tumanggap at magpasakop sa atas ng Lumikha. Ito ang tamang saloobin. Kung wala kang tamang saloobin sa iyong tungkulin, lubhang malala ang kalikasan ng problemang ito. Kung, noong nagsisimula ka pa lang manampalataya, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi na kailangan pang seryosohin ka. Kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Diyos at nauunawaan mo na ang ilang katotohanan, pero may kakayahan ka pa ring tanggihan ang atas ng Diyos, kung hindi mo ipinapalaganap ang ebanghelyo, at pabaya ka pa rin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, ano ang kalikasan ng problemang ito? Hindi lang kawalan ng konsensiya at katwiran ang ipinapakita nito, ngunit higit sa lahat, paghihimagsik at paglaban ito sa Diyos, pagkakanulo ito sa Diyos. Masasabing isa itong malaking pagsuway. Hindi iyon pagmamalabis. Ang gayong tao ay hindi karapat-dapat tawaging tao at tiyak na daranas siya ng kaparusahan. Dahil inaamin mong isa kang nilikha, ano ang katwirang marapat sa mga nilikha? Ang gawin ang anumang ipinapagawa sa iyo ng Lumikha, at ang magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Lumikha. Ito ang konsensiya at katwirang marapat sa mga tao. Ang mga nakakaunawa sa katotohanan ay lalo pang inaasahan na lubos na magpasakop sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos. Hindi sila kailanman dapat magrebelde kahit kaunti.

May kinalaman sa iba’t ibang uri ng tao ang katotohanan ukol sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. May kinalaman dapat ito sa lahat. Noong una, nang marinig ng ilang tao ang pagbabahagi tungkol sa aspetong ito ng katotohanan, inakala nilang wala itong kinalaman sa kanila. Pero ngayon, dapat ay mayroon nang saloobin ng pagtanggap ang lahat tungkol sa tungkuling ipalaganap ang ebanghelyo, at dapat ay mayroon nang kabatiran ang lahat tungkol sa aspetong ito ng katotohanan. Dapat ay mayroon na rin silang tumpak na depinisyon sa tungkuling ito. Kaya, sa anong posisyon inilagay ng mga tao ang kanilang sarili? (Sa posisyon ng isang nilikha.) Isa kang nilikha, kaya naman ano ang unang prayoridad ng isang nilikha? (Ang magpasakop sa Lumikha.) Ano ang unang kongkretong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Lumikha? (Ang gampanan ang aming tungkulin bilang mga nilikha.) Kaya naman, ano ang unang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha? (Ang ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos.) Tama iyan. Iyan ang sagot na hinahanap Ko. Lubha pa kayong nagpasikot-sikot bago ninyo nakuha sa wakas ang tamang sagot. Ang unang prayoridad ng bawat nilikha ay ang ipalaganap ang ebanghelyo, ang magpatotoo sa gawain ng Diyos at ipalaganap ito sa buong mundo at hanggang sa kadulu-duluhan ng daigdig. Ito ang responsabilidad at obligasyon ng lahat ng tumatanggap sa ebanghelyo ng Diyos. Isa itong bagay na dapat nilang tuparin. Maaaring sa kasalukuyan ay hindi mo pa ginagampanan ang tungkuling ito, o na ang tungkuling ito ay isang bagay na malayong-malayo sa iyo, o na hindi mo kailanman naisip na isa itong tungkuling dapat mong gampanan. Gayunman, dapat maging malinaw ang puso mo tungkol dito: Konektado ang tungkuling ito sa iyo. Hindi lang ito isang responsabilidad para sa iba, responsabilidad at tungkulin mo rin ito. Hindi ibig sabihin na dahil lang sa hindi ka kasalukuyang nakatalaga para gumanap ng tungkuling ito ay wala nang kinalaman sa iyo ang tungkuling ito, na hindi ikaw ang dapat gumanap ng tungkuling ito, o na hindi ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos na gampanan ang tungkuling ito. Kung makakaabot sa ganitong antas ang pagkaunawa mo, hindi ba’t nangangahulugan ito na ang perspektiba tungkol sa tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo na pinanghahawakan mo sa puso mo ay alinsunod sa katotohanan at sa layunin ng Diyos? Kapag umangat sa ganitong antas ang pagkaunawa mo, isang araw, kapag natapos na ninyong lahat ang lahat ng gawaing kasalukuyang tinatrabaho ninyo, ipag-uutos ng Diyos na ikalat at ipadala kayo sa iba’t ibang lugar, kahit sa ilang lugar na sa tingin ninyo ay lubhang kakaiba, lubhang hindi kaaya-aya, at napakahirap. Ano ang gagawin ninyo kung magkagayon? (Obligasyon namin na tanggapin ito.) Iyan ang sinasabi ninyo ngayon, pero pagdating ng araw, baka mapuno ng luha ang inyong mga mata. Ngayon, dapat maghanda kayo sa ganitong paraan: Dapat magkaroon ka ng ganitong kamalayan, “Ipinanganak ako sa kapanahunang ito. Mapalad ako na tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at mapalad na magkaroon ng bahagi sa gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Samakatuwid, ang halaga at kabuluhan ng buhay ko ay ang ilaan ang buong buhay ko sa pagpapalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos. Wala na akong iisipin pang iba.” May ganito ba kayong aspirasyon? (Mayroon.) Dapat kayong magkaroon ng ganitong aspirasyon at ginawa sana ninyo ang paghahanda at planong ito. Sa ganitong paraan lamang kayo maaaring maging isang tunay na nilikha, isang nilikhang minamahal ng Diyos at kasiya-siya sa Kanya. Sinasabi ng ilang tao na, “Hindi ako handa, at matatakot ako kung sasabihan akong ipalaganap ang ebanghelyo ngayon.” Huwag kang matakot, hindi ka pipilitin ng Diyos na gawin ito nang hindi ka pa handa. At kung sinasabi mong handa ka na, maaaring hindi ka pa gamitin kaagad ng Diyos. Kailan ka gagamitin? Ang Diyos na ang bahala roon, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol dito. Kapag gusto kang gamitin ng Diyos, ihahanda Niya ang lahat. Kapag mayroon ka na ng kinakailangang tayog at karanasan at natugunan mo na ang iba pang kinakailangang kondisyon, maaaring isaayos Niya na ipadala ka sa iba’t ibang lugar para ipalaganap ang ebanghelyo. Pagdating ng panahong iyon, maaari ka bang tawaging sugo ng ebanghelyo? (Hindi.) Hindi maaaring tawaging mga sugo ng ebanghelyo sa anumang pagkakataon ang mga gumaganap ng tungkuling ito. Hindi ito kailanman magbabago. Ano ang dapat itawag sa gayong mga tao? (Mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo.) Mas tumpak iyon. Kahit ano pa ang tawag sa gayong mga tao, ito ang tungkuling ginagampanan nila. Ito ang katotohanan at hindi ito kailanman magbabago. Kung magbabago ang katawagan at magbabago ang pagkakakilanlan ng mga taong ito, kung gayon ay magbabago ang diwa ng gawain. Sa sandaling magbago na ang diwa, lilihis ito mula sa landas ng katotohanan. Sa sandaling lumihis ang gawain mula sa landas ng katotohanan, magiging ugaling panrelihiyon na ito. Kung magkaganoon, malalayo nang malalayo ang mga tao sa landas ng kaligtasan, pupunta sa timog samantalang plano nilang pumunta sa hilaga. Samakatuwid, huwag tahakin ang maling landas kailanman. Sa lahat ng pagkakataon kapag isinusugo at ipinapadala sa iba’t ibang lugar ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, ginagampanan lang nila ang kanilang tungkuling ipalaganap ang ebangheloyo. Hindi sila mga saksi, hindi sila mga tagapangaral, lalong hindi sila mga sugo ng ebanghelyo. Isa itong walang-hanggan at hindi nagbabagong katotohanan.

Batay sa mga nasabi Ko na, tiyak na nakaramdam na ang karamihan sa mga tao ng liwanag sa kanilang puso, at marami sa kanila ay sabik na sabik na naghihintay, iniisip na, “Ayos iyan, mukhang may magandang bukas na naghihintay sa atin. Ang landas na inihanda ng Diyos para sa atin ay nagniningning sa liwanag!” Hindi ganoon. May plano ang Diyos para sa Kanyang bawat tagasunod. Ang bawat isa sa kanila ay may kapaligiran, na iniaayos ng Diyos para sa tao, para isagawa ang kanyang tungkulin, at mayroon biyaya at pabor ng Diyos na dapat tamasahin ng tao sa kanya. Mayroon din siyang mga espesyal na sitwasyon, na binalangkas ng Diyos para sa tao, at maraming pagdurusang kailangan nilang maranasan—hindi ito isang madaling paglalakbay na gaya ng iniisip ng tao. Bukod pa riyan, kung kinikilala mo na isa kang nilikha, dapat mong ihanda ang iyong sarili na magdusa at magbayad ng halaga alang-alang sa pagtupad ng iyong responsabilidad na ipalaganap ang ebanghelyo at alang-alang sa maayos na pagganap sa iyong tungkulin. Maaaring ang kabayaran ay ang pagdanas ng ilang pisikal na karamdaman o paghihirap, o pagdusahan ang mga pag-uusig ng malaking pulang dragon o ang mga maling pagkaunawa ng mga taong makamundo, gayundin ang mga paghihirap na pinagdaraanan ng isang tao kapag nagpapalaganap ng ebanghelyo: ang maipagkanulo, mabugbog at mabulyawan, makondena—ang dumugin pa nga at malagay sa panganib ang buhay. Posible, habang nagpapalaganap ng ebanghelyo, na mamamatay ka bago matapos ang gawain ng Diyos, at na hindi ka na mabubuhay upang masilayan ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Dapat kang maging handa rito. Hindi ito para takutin kayo; ito ay katotohanan. Ngayong nalinaw Ko na ito, at naunawaan na ninyo ito, kung taglay pa rin ninyo ang paghahangad na ito, at nakasisigurong hindi ito magbabago, at mananatili kayong tapat hanggang sa kamatayan, nagpapatunay ito na taglay ninyo ang isang tiyak na tayog. Huwag ipagpalagay na magiging ligtas sa panganib ang pagpapalaganap ng ebanghelyo sa ibayong mga bansang ito na may mga kalayaan sa relihiyon at mga karapatang pantao at magiging maayos ang lahat ng gagawin mo, na lahat ito ay magkakaroon ng mga pagpapala ng Diyos at makakasama ng Kanyang dakilang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon lamang ng tao. Naniwala rin sa Diyos ang mga Pariseo, ngunit dinakip nila ang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako Siya sa krus. Kaya anong masasamang bagay laban sa Diyos na nagkatawang-tao ang kayang gawin ng mga kasalukuyang relihiyon sa mundo? Napakarami na nilang ginawang masamang bagay—hinahatulan ang Diyos, kinokondena ang Diyos, nilalapastangan ang Diyos—walang masamang bagay ang hindi nila kayang gawin. Huwag kalimutan na mga mananampalataya ang dumakip sa Panginoong Jesus at nagpako sa Kanya sa krus. Sila lang ang may pagkakataong gawin ang ganitong uri ng bagay. Walang pakialam sa gayong mga bagay ang mga walang pananampalataya. Ang mga mananampalatayang ito ang nakipagsabwatan sa pamahalaan upang dakpin ang Panginoong Jesus at ipako Siya sa krus. Bukod pa rito, paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—sinapit nila ang lahat ng uri ng kamatayan. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Binitay ba sila nang naaayon sa batas para sa mga krimen nila? Hindi. Sila ay kinondena, binugbog, binulyawan, at pinatay dahil ipinalalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon at tinanggihan ng mga tao ng mundo—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagpapakahulugan ng Diyos sa kanilang gawi, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit sila sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagsapit nila sa kawakasan ng kanilang mga buhay? (Hindi.) Mula sa pananaw ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad sila ng gayon kalaking kabayaran upang ipalaganap ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay napatay sila ni Satanas. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, ngunit ito mismo ang nangyari sa kanila. Ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang plano at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Pinagninilayan ng mga tao ngayon ang kanilang kamatayan nang may labis na dalamhati, ngunit ganoon ang mga bagay-bagay noon. Namatay sa ganoong paraan ang mga naniwala sa Diyos, paano ito maipaliliwanag? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang sarili ninyo sa kalagayan nila, kaya, malungkot ba ang inyong mga puso, at may nararamdaman ba kayong nakatagong kirot? Iniisip ninyo, “Tinupad ng mga taong ito ang kanilang tungkuling maipalaganap ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?” Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinahinatnan. Anuman ang paraan ng kanilang kamatayan at paglisan o kung paano man ito naganap, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtukoy sa pangwakas na mga kalalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ginamit nila mismo ang mga kaparaanang iyon upang kondenahin ang mundong ito at upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang tiyakin sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang katawang-tao ng Diyos, na ang gawain ng pagtubos na ginawa Niya para sa buong sangkatauhan ay nagpapahintulot sa sangkatauhan na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katotohanang ito magpakailanman. Yaong mga naging martir dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus, hanggang sa anong punto nila tinupad ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinaka-karapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila—ang buhay—bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa araw na sila ay mamatay, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagganap ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad ng isang tao sa kanyang pananagutan. Nang pagbantaan at takutin sila ni Satanas, at, sa huli, kahit pa nang ipabayad sa kanila ang kanilang mga buhay, hindi nila tinalikdan ang kanilang responsabilidad. Ito ang kahulugan ng pagtupad ng isang tao sa tungkulin hanggang sa pinakasukdulang punto. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ibig Ko bang sabihin na gamitin ninyo ang ganoon ding paraan upang magpatotoo sa Diyos at upang maipalaganap ang Kanyang ebanghelyo? Sadyang hindi kinakailangang gawin mo ang ganoon, ngunit dapat mong maunawaan na ito ay iyong pananagutan, na kung kinakailangan ng Diyos na gawin mo ito, dapat mo itong tanggapin bilang iyong obligasyon. May takot at pag-aalala sa mga layunin ang mga tao ngayon, ngunit anong silbi ng mga damdaming iyon? Kung hindi kailangan ng Diyos na gawin mo ito, para saan ang pag-aalala tungkol dito? Kung kailangan ng Diyos na gawin mo ito, hindi ka dapat umiwas o tumanggi sa pananagutang ito. Dapat kang maagap na makipagtulungan at tanggapin ito nang walang pag-aalala. Paano man mamatay ang isang tao, hindi siya dapat mamatay sa harap ni Satanas, at hindi mamatay sa mga kamay ni Satanas. Kung mamamatay ang isang tao, dapat siyang mamatay sa mga kamay ng Diyos. Nagmula sa Diyos ang mga tao, at sa Diyos sila magbabalik—gayon ang katwiran at saloobing dapat taglayin ng isang nilikha. Ito ang panghuling katotohanang dapat unawain ng isang tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagganap sa kanyang tungkulin—dapat ibayad ng isang tao ang halaga ng kanyang buhay upang maipalaganap at magpatotoo sa ebanghelyo ng paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao ng Kanyang gawain at pagliligtas sa sangkatauhan. Kung may ganito kang pagnanais, kung makakapagpatotoo ka sa ganitong paraan, kahanga-hanga iyon. Kung hindi ka pa rin nagtataglay ng ganitong uri ng pagnanais, kahit paano ay dapat mong maayos na tuparin ang pananagutan at tungkuling nasa harapan mo, ipinagkakatiwala na sa Diyos ang iba. Sa gayon marahil, habang lumilipas ang mga buwan at mga taon at dumarami ang iyong karanasan at ikaw ay tumatanda, at lumalalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, matatanto mo na mayroon kang obligasyon at pananagutang ialay ang iyong buhay sa gawain ng ebanghelyo ng Diyos, maging hanggang sa huling sandali ng iyong buhay.

Ito na ang tamang panahon para simulang pag-usapan ang tungkol sa mga paksang ito dahil nagsimula na ang pagpapalaganap sa ebanghelyo ng kaharian. Noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ibinuwis ng ilang sinaunang propeta at banal ang kanilang mga buhay sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya maaari ding ibuwis ng mga ipinanganak sa mga huling araw ang kanilang buhay para sa layuning ito. Hindi ito isang bagay na bago o biglaan, lalong hindi ito isang malabis na kahilingan. Ito ang marapat gawin ng mga nilikha at ang tungkuling nararapat nilang gampanan. Ito ang katotohanan; ito ang pinakamataas na katotohanan. Kung ang ginagawa mo lang ay sumigaw ng mga kasabihan tungkol sa kung ano ang gusto mong gawin para sa Diyos, kung paanong gusto mong tuparin ang iyong tungkulin, at kung gaano karami ang gusto mong gugulin at pagsikapan para sa Diyos, wala itong silbi. Kapag nahaharap ka na sa realidad, kapag hinihingi na sa iyo na isakripisyo mo ang iyong buhay, kung magrereklamo ka ba sa pinakahuling sandali, kung handa ka ba, at kung tunay ka bang nagpapasakop—ito ang pagsubok sa iyong tayog. Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ang loob mo, nakahanda ka, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, kung pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, kung maligaya at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito, kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang mundo at sa ibang anyo. Binago mo lang ang paraan ng iyong pamumuhay. Hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, “Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!” Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o nakapagdusa. Sa halip, nakapagtamasa ka ng mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Dahil bilang isang nilikha, naabot mo na ang pamantayan sa paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito na kasama ang ibang nilikha. Para sa Diyos, ang “pagpanaw” mo ay hindi tinatawag na “pagpanaw,” ikaw ay “inalis”, “dinala,” o “kinuha,” at isa itong mabuting bagay. Nais ba ninyong kuhanin kayo ng Diyos? (Ito ang ninanais namin.) Huwag ninyong naisin ito. Sa buhay na ito, maraming bagay ang hindi nauunawaan ng tao. Huwag ninyong madaliin na makarating sa hakbang na ito. Bago dumating ang araw na iyon, dapat pagsumikapan mong lalong maunawaan ang katotohanan at lalong makilala ang Lumikha. Huwag mong pagsisihan ang anuman. Bakit Ko sinasabing huwag mong pagsisihan ang anuman? Sa buhay na ito, limitado lang ang oras ng mga tao na maunawaan ang mga bagay-bagay hanggang sa magkaroon ng ganitong oportunidad, magtaglay ng ganitong kakayahan, at matugunan ang mga kondisyon para makipagdiyalogo sa Lumikha, nang sa gayon ay marating ang tunay na pagkaunawa, pagkakilala, at pagkatakot sa Lumikha, at makalakad sa daan ng pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Kung gusto mo ngayon na kuhanin ka kaagad ng Diyos, hindi ka nagiging responsable sa sarili mong buhay. Para maging responsable, dapat pagsikapan mo pang sangkapan ang iyong sarili ng katotohanan, lalo pang magnilay-nilay sa iyong sarili kapag may mga nangyayari sa iyo, at bumawi agad sa sarili mong mga pagkukulang. Dapat isagawa mo ang katotohanan, kumilos nang alinsunod sa mga prinsipyo, pumasok sa katotohanang realidad, kilalanin pa ang Diyos, magawang alamin at unawain ang mga layunin ng Diyos, at huwag mamuhay nang walang kabuluhan. Dapat mong malaman kung nasaan ang Lumikha, kung ano ba ang mga layunin ng Lumikha, at kung paano ipinapahayag ng Lumikha ang kagalakan, galit, kalungkutan, at kaligayahan—kahit na hindi mo kayang magtamo ng mas malalim na kamalayan o kompletong kaalaman, dapat magtaglay ka man lang ng saligang pagkaunawa ukol sa Diyos, huwag pagtaksilan ang Diyos kailanman, maging kaayon man lang ng Diyos, magpakita ng pagsaalang-alang sa Diyos, maghandog man lang ng kaaliwan sa Diyos, at gawin kung ano ang nararapat at kung ano ang kaya ng isang nilikha. Hindi madaling bagay ang mga ito. Sa proseso ng paggampan sa kanilang mga tungkulin, unti-unting makikilala ng mga tao ang kanilang sarili, at sa gayon ay makikilala rin nila ang Diyos. Ang prosesong ito ay isa talagang interaksyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilikha, at isa itong prosesong dapat gunitain sa buong buhay ng isang tao. Ang prosesong ito ay isang bagay na dapat maging kasiya-siya sa mga tao, sa halip na maging isang masakit at mahirap na proseso. Samakatuwid, dapat pahalagahan ng mga tao ang mga araw at gabi, mga taon at buwan na ginugol nila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin. Dapat nilang pahalagahan ang yugtong ito ng buhay, at hindi dapat ituring ito bilang isang pasakit o pabigat. Dapat nilang pakanamnamin at tamuhin ang mga kaalamang matututunan nila mula sa pagdanas sa yugtong ito ng kanilang buhay. Pagkatapos, magtatamo sila ng pagkaunawa sa katotohanan at maisasabuhay nila ang wangis ng isang tao, magtataglay ng may-takot-sa-Diyos na puso, at mababawasan nang mababawasan ang kasamaang nagagawa nila. Marami-rami ka nang nauunawaan sa katotohanan, hindi ka gumagawa ng mga bagay na nagdudulot ng hinagpis sa Diyos o na tinututulan Niya. Kapag humaharap ka sa Diyos, nararamdaman mong hindi na napopoot ang Diyos sa iyo. Napakaganda nito! Sa sandaling matamo na ito ng isang tao, hindi ba’t magiging payapa siya kahit na mamatay pa siya? Kaya, ano ang problema sa mga taong iyon na nagmamakaawa nang mamatay ngayon? Gusto lang nilang makatakas at ayaw nilang magdusa. Gusto na lang nilang matapos na kaagad ang buhay na ito, para makaparoon na sila at makapag-ulat sa Diyos. Gusto mo nang mag-ulat sa Diyos, pero ayaw pa ng Diyos sa iyo. Bakit ka mag-uulat sa Diyos nang hindi ka pa Niya ipinapatawag? Huwag kang mag-uulat sa Kanya nang hindi mo pa oras. Hindi ito isang mabuting bagay. Kung isasabuhay mo ang isang makahulugan at makabuluhang buhay at kinuha ka ng Diyos, napakagandang bagay niyon!

Nauunawaan ba ninyong lahat kung ano ang tinalakay natin ngayon? Umaasa Akong hindi nagdagdag ng pabigat sa inyo ang mga salitang ito, at umaasa Akong hindi kayo natakot sa nilalaman ng pagbabahagi ngayon. Sa halip, umaasa Akong dahil dito ay naunawaan na ninyo ang ilang katotohanan na dapat ninyong maunawaan, para mas maayos ninyong maharap ang mga bagay ukol sa pananampalataya sa Diyos, at maramdamang mas matatag at malinaw na kayo tungkol dito. Ganito ba ang naging epekto ng mga salita Ko? (Oo.) Ilarawan mo nga sa Akin. (Dati, hindi ko tunay na itinuring bilang tungkulin ko ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nagkimkim ako ng maraming nakalilinlang na pananaw sa aking puso. Inakala kong itatalaga lang ako para ipalaganap ang ebanghelyo kung hindi ko ginampanang mabuti ang iba kong mga tungkulin. Inisip ko noon na ang pagpapalaganap ng ebanghelyo ang pinakahindi kanais-nais na tungkulin, at hindi ko tunay na itinuring ang pagpapalaganap ng ebanghelyo bilang isang atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa tao. Ngayon, sinabi sa atin ng pagbabahagi ng Diyos na responsabilidad ng tao ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at ang pagpapatotoo sa Diyos at dapat itong ituring ng mga tao na isang obligasyon at dapat nilang tuparin ang responsabilidad na ito. Saka ko lamang naramdaman na masyadong kakatwa ang mga pananaw ko, at dahil sa mga ito ay hindi ko tunay na ginustong gampanan nang maayos ang tungkuling pagpapalaganap ng ebanghelyo. Nabaligtad ngayon ang mga pananaw ko dahil sa pakikinig ko sa pagbabahagi ng Diyos.) Magaling. May iba pa bang gustong magsalita? (Akala ko dati na isa lamang akong maliit na nilikha, at hindi ko itinuring na isang dakilang bagay ang pagganap ko sa tungkuling ito. Pakiramdam ko ay hindi mahalaga ang tungkulin ko at hindi ito nararapat pag-ukulan ng atensyon. Pero ngayon, narinig kong sinabi ng Diyos na inorden Niya ang mga tungkuling ginagampanan ng bawat taong itinadhana Niya, at na ang lahat ng ito ay maingat na plinano at isinaayos Niya. Kung hindi tutuparin ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang tapat, umiiwas sila sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Lalo na nang marinig ko sa pagbabahagi ng Diyos na isang atas na ipinagkatiwala sa lahat at responsabilidad ng mga nilikha ang pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos, binigyan ako nito ng matinding pananampalataya at ng isang napakalaking aspirasyon na tahakin ang landas na inorden ng Diyos. Gusto kong maging responsable para sa buhay ko, gampanang mabuti ang aking tungkulin, at kumpletuhin ang aking misyon. Kung magkagayon, mabibigyan ko ng kaunting kasiyahan ang Diyos. Pagkatapos na mapakinggan ang pagbabahagi ng Diyos, naantig talaga ang puso ko. Pakiramdam ko ay hindi ko na maaaring maliitin ang atas na ibinigay sa akin ng Diyos.) Mahusay ang pagkakasabi mo. Ganoon din ang nararamdaman ng lahat, tama ba? (Oo.) Nakikita mo naman, kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagiging magulo ang kanilang isip at maaari nilang balewalain kahit ang isang malaking bagay gaya ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Subalit, kapag malinaw na ibinabahagi ang tungkol sa katotohanan, napagtatanto ng mga tao ang kahalagahan ng bagay na ito, nalalaman nila ang sarili nilang posisyon, at nalalaman ang halaga ng sarili nilang buhay. Ibig bang sabihin nito ay may direksyon sila? (Oo.) Mababago ng katotohanan ang puso ng mga tao. Bukod sa katotohanan, may anumang teorya ba na makakaantig sa puso mo at makapagpapabago sa mga pananaw mo? Wala, tanging ang paraan ng katotohanan ang makapagpapabago sa iyong mga pananaw. Bakit mababago ng paraang ito ang iyong mga pananaw? Ito ay sapagkat lubhang praktikal ang mga katotohanang ito na hindi mapapasubalian ninuman ang mga ito. May kaugnayan ang mga katotohanang ito sa buhay ng tao at sa misyon ng buhay ng tao. Malapit itong nauugnay sa mga tao; ang mga ito ay hindi walang kaugnayan sa kanila. Ang mga bagay na ito ay hindi walang kabuluhan, kundi nauugnay sa misyon ng buhay ng tao at sa halaga at kahulugan ng pamumuhay. Samakatuwid, kapag malinaw na sinasalita, mababago ng mga salitang ito ang puso ng mga tao para matanggap nila ang mga salitang ito at mabago ang kanilang mga pananaw. May ginampanang papel dapat ang pagbabahaging ito ngayon sa pagbabago ng saloobin ng mga tao patungkol sa kanilang mga tungkulin. Kung mababago ng mga katotohanang ito ang buhay ng mga tao, kung paano sila mamuhay, at ang direksyong sinusunod nila sa kanilang paghahangad, magiging mainam iyon. Mangangahulugan iyon na hindi nawalan ng saysay ang mga salitang ito na sinabi Ko ngayong araw. Ngayong nakumpleto Ko na ang pagbabahagi Ko tungkol sa mga katotohanang ito, kailangan ninyong unti-unting gamitin, danasin, at unawain ang mga ito sa pang-araw-araw ninyong buhay. Kapag naging realidad at buhay mo na ang mga katotohanang ito, hindi buburahin ng Diyos ang titulo mo bilang nilikha at tunay na may natamo ka na. Sa pagkakataong iyon, kapag talagang hiningi ng Diyos na ialay mo ang iyong buhay at gamitin ang iyong buhay para magpatotoo sa Kanyang mga gawa at patotohanan ang Kanyang ebanghelyo, wala ka nang aalalahanin at ikakatakot pa, at tiyak na hindi ka tatanggi. Malugod mo itong tatanggapin. Dahil isa itong atas na ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha, tatanggapin mo ito mula sa Diyos. Samakatuwid, para mahintay at masalubong ang araw na iyon, bukod sa nagagawa mong unawain ang mga katotohanang ito, dapat pagsikapan ngayon ng mga tao na sangkapan ang kanilang sarili ng mga salita ng Diyos at magtamo ng isang mas dakila at mas malalim na kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos at sa disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahalaga.

Disyembre 25, 2018

Sinundan: Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?

Sumunod: Mahalaga na Itama ang Relasyon sa Pagitan ng Tao at ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito