Ano ang Paniniwala Mo sa Labintatlong Sulat ni Pablo?
Ang Bagong Tipan ng Bibliya ay naglalaman ng labintatlong sulat ni Pablo. Sa mga panahong ginawa niya ang kanyang gawain, isinulat ni Pablo ang labintatlong sulat na ito sa mga iglesia na naniniwala kay Jesucristo. Ibig sabihin, si Pablo ay itinaas at isinulat ang mga sulat na ito pagkatapos umakyat ni Jesus sa langit. Ang kanyang mga sulat ay mga patotoo tungkol sa pagkabuhay-na-muli at pag-akyat-sa-langit ng Panginoong Jesus pagkatapos ng Kanyang kamatayan, at ipinalalaganap din ng mga ito ang paraan ng pagsisisi at pagpapasan ng krus. Mangyari pa, lahat ng mensahe at patotoong ito ay isinulat para turuan ang mga kapatid na lalaki at babae sa iba’t ibang lugar sa palibot ng Judea sa panahong iyon, dahil noong panahong iyon, si Pablo ay tagapaglingkod ng Panginoong Jesus, at itinaas siya para patotohanan ang Panginoong Jesus. Sa bawa’t panahon ng gawain ng Banal na Espiritu, iba-ibang tao ang itinataas upang gampanan ang Kanyang naiibang gawain, ibig sabihin, ang gawin ang gawain ng mga apostol upang ipagpatuloy ang gawain ng Diyos na tinatapos ng Diyos Mismo. Kung direkta itong ginawa ng Banal na Espiritu, at walang mga taong itinaas, magiging napakahirap isakatuparan ang gawain. Dahil diyan, si Pablo ay naging isang pinabagsak habang nasa daan patungong Damasco, at pagkatapos ay ibinangon upang maging saksi ng Panginoong Jesus. Siya ay isang apostol bukod pa sa labindalawang disipulo ni Jesus. Dagdag pa sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, binalikat din niya ang gawain ng pag-aakay sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar, kasama rito ang pangangalaga sa mga kapatid na lalaki at babae ng mga iglesia—sa madaling salita, pag-aakay ng mga kapatid na lalaki at babae sa Panginoon. Layunin ng patotoo ni Pablo na ipabatid ang katunayan ng pagkabuhay-na-muli at pag-akyat-sa-langit ng Panginoong Jesus, gayon din ang ituro sa mga tao na magsisi, magkumpisal, at lakaran ang daan ng krus. Isa siya sa mga saksi ni Jesucristo noong panahong iyon.
Ang labintatlong sulat ni Pablo ay pinili para magamit sa Bibliya. Sinulat niya ang lahat ng labintatlong ito para magsalita sa iba-ibang antas ng mga tao sa iba’t ibang lugar. Siya ay naantig ng Banal na Espiritu na isulat ang mga ito, at tinuruan ang mga kapatid na lalaki at babae sa lahat ng dako bilang isang apostol (bilang isang tagapaglingkod ng Panginoong Jesus). Samakatwid, ang mga sulat ni Pablo ay hindi nagmula sa mga propesiya o direktang nagmula sa mga pangitain, kundi nagmula sa gawaing binalikat niya. Hindi kakaiba ang mga sulat na ito, ni kasing-hirap abutin tulad ng mga propesiya. Ginawa lamang ang mga ito bilang mga sulat, at hindi naglalaman ng mga propesiya o mga hiwaga; naglalaman lamang ang mga ito ng mga ordinaryong salita na nagtatagubilin. Bagama’t marami sa mga salitang narito ay mahirap para sa mga tao na tarukin o unawain, ang mga ito ay nagmula lamang sa sariling interpretasyon ni Pablo at mula sa pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Si Pablo ay isang apostol lamang; siya ay isang tagapaglingkod na ginamit ng Panginoong Jesus, hindi siya isang propeta. Habang naglalakbay sa iba’t ibang lupain, gumawa siya ng mga sulat sa mga kapatid na lalaki at babae ng mga iglesia, o, habang siya ay maysakit, sumulat siya sa mga iglesia na partikular na nasa isipan niya nguni’t hindi niya mapuntahan. Kaayon nito, ang kanyang mga sulat ay itinago ng mga tao at kalaunan ay tinipon, binuo, at iniayos kasunod ng Apat na Ebanghelyo sa Bibliya ng mga sumunod na henerasyon. Mangyari pa, pinili nila at pinagsama-sama ang lahat ng pinakamagagandang sulat na nagawa niya. Kapaki-pakinabang ang mga sulat na ito sa mga buhay ng mga kapatid na lalaki at babae sa mga iglesia, at kilalang-kilala sa kanyang panahon. Nang sinulat ni Pablo ang mga ito, ang layunin niya ay hindi magsulat ng isang gawaing espirituwal na magbibigay-kakayahan sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae na makasumpong ng daan ng pagsasagawa o ng isang espirituwal na talambuhay para ipahayag ang kanyang sariling mga karanasan; hindi niya nilayong magsulat ng isang aklat para maging awtor. Gumagawa lamang siya ng mga sulat para sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae ng iglesia ng Panginoong Jesucristo. Nagturo si Pablo sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae, bilang isang tagapaglingkod, para sabihin sa kanila ang tungkol sa kanyang pasanin, ang tungkol sa kalooban ng Panginoong Jesus, at kung anong mga atas ang naipagkatiwala Niya sa mga tao para sa hinaharap. Ito ang gawaing ginampanan ni Pablo. Ang kanyang mga salita ay lubos na nakakaliwanag para sa karanasan ng lahat ng kapatid na lalaki at babae sa hinaharap. Ang mga katotohanang ipinarating niya sa maraming sulat na ito ay kung ano ang dapat isagawa ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya, kaya iniayos ang mga sulat na ito sa Bagong Tipan ng mga dumating na henerasyon. Anuman ang kinahantungan ni Pablo, siya ay isang taong ginamit sa kanyang panahon, at umalalay sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae sa mga iglesia. Ang kinahantungan niya ay natukoy sa pamamagitan ng kanyang kakanyahan, gayon din sa kanyang pagiging napabagsak noong una. Nagawa niyang bigkasin ang mga salitang iyon noon dahil taglay niya ang gawain ng Banal na Espritu, at dahil sa gawaing ito kaya tinaglay ni Pablo ang isang pasanin para sa mga iglesia. Dahil diyan, nagawa niyang tustusan ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae. Gayunpaman, dahil sa ilang mga natatanging kalagayan, hindi nakapunta nang personal si Pablo sa mga iglesia para gumawa, kaya sumulat na lamang siya sa kanila para payuhan ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae sa Panginoon. Noong una, inusig ni Pablo ang mga disipulo ng Panginoong Jesus, nguni’t pagkatapos umakyat ni Jesus sa langit—ibig sabihin, pagkatapos “makita” ni Pablo “ang liwanag”—tumigil siya sa pang-uusig ng mga disipulo ng Panginoong Jesus, at hindi na inusig pa ang mga banal na iyon na nangaral ng ebanghelyo alang-alang sa daan ng Panginoon. Pagkatapos makita ni Pablo si Jesus bilang isang maningning na liwanag, tinanggap niya ang utos ng Panginoon, at dahil dito siya ay naging isa na ginamit ng Banal na Espiritu para ipalaganap ang ebanghelyo.
Ang gawain ni Pablo noong panahong iyon ay alalayan at tustusan lamang ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae. Hindi siya tulad ng ilang tao, na naghangad na magkaroon ng posisyon o makapagsulat ng mga akdang pang-literatura, magsaliksik ng iba pang mga paraan, o maghanap ng mga daan bukod sa Bibliya kung saan ayon dito ay aakayin ang mga taong ito sa mga iglesia nang sa gayon ay makapasok silang lahat sa bagong daan. Si Pablo ay isang tao na ginamit; sa paggawa ng mga bagay-bagay na ginawa niya, tinutupad lamang niya ang kanyang tungkulin. Kung hindi niya nataglay ang isang pasanin para sa mga iglesia, masasabi sanang nagpabaya siya sa kanyang tungkulin. Kung may kaguluhang nangyari, o nagkaroon ng pagtataksil sa iglesia na humantong sa isang hindi-normal na kalagayan ng mga tao roon, masasabing hindi niya nagampanan nang maayos ang kanyang gawain. Kung pinapasan ng isang manggagawa ang isang pasanin tungo sa iglesia, at gumagawa rin sa abot ng kanyang makakaya, nagpapatunay ito na karapat-dapat na manggagawa ang taong ito—karapat-dapat na magamit. Kung ang isang tao ay walang nadaramang pasanin para sa iglesia, at walang nakakamit na mga bunga sa kanilang paggawa, at karamihan sa mga taong inaakay nila ay mahina o bumabagsak pa sila, kung gayon hindi nagagawa ng mga manggagawang iyon ang kanilang tungkulin. Gayundin naman, hindi naiiba si Pablo, kaya nga kailangan niyang pangalagaan ang mga iglesia at magsulat nang madalas sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae. Sa ganitong paraan niya naturuan ang mga iglesia at napangalagaan ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae; sa ganitong paraan lamang makatatanggap ng tustos at pangangalaga ang mga iglesia mula sa kanya. Napakalalim ng mga salitang ginamit niya sa mga sulat, nguni’t ang mga ito ay isinulat para sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae sa ilalim ng kalagayan niyang nakatamo ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu, at inilakip niya ang kanyang pansariling mga karanasan at ang pasaning nadarama niya sa kanyang mga sinulat. Si Pablo ay isang tao lamang na ginamit ng Banal na Espiritu, at ang mga nilalaman ng kanyang mga sulat ay kinapapalooban lahat ng kanyang mga personal na karanasan. Ang gawaing ginawa niya ay kumakatawan lamang sa gawain ng isang apostol, hindi gawaing direktang ginampanan ng Banal na Espiritu, at naiiba rin ito sa gawain ni Cristo. Tinutupad lamang ni Pablo ang kanyang tungkulin, na dahilan kung bakit ipinabatid niya sa kanyang mga kapatid na lalaki at babae sa Panginoon ang kanyang pasanin gayon din ang kanyang mga personal na karanasan at mga pagkakita. Isinasakatuparan lamang ni Pablo ang utos ng Diyos sa pamamagitan ng pagtutustos ng kanyang sariling mga pagkakita at pagkaunawa; ito ay tiyak na hindi isang halimbawa ng gawaing direktang ginawa ng Diyos Mismo. Sa gayon, ang gawain ni Pablo ay nahaluan ng karanasan ng tao at mga pantaong pananaw at pagkaunawa tungkol sa gawain ng iglesia. Gayunpaman, ang mga pantaong pananaw at pagkaunawang ito ay hindi masasabing gawain ng masasamang espiritu o gawain ng laman at dugo; masasabi lamang na ang mga ito ay kaalaman at mga karanasan ng isang tao na naliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang ibig kong sabihin dito, ang mga sulat ni Pablo ay hindi mga aklat mula sa langit. Ang mga ito ay hindi sagrado, at hindi kahit kailan binigkas o ipinahayag ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay pagpapahayag lamang ng pasanin ni Pablo para sa iglesia. Ang layunin Ko sa pagsasabi ng lahat ng ito ay upang ipaunawa sa inyo ang pagkakaiba ng gawain ng Diyos at ng gawain ng tao: Ang gawain ng Diyos ay kumakatawan sa Diyos Mismo, samantalang ang gawain ng tao ay kumakatawan sa tungkulin at mga karanasan ng tao. Hindi dapat ituring ng isang tao ang karaniwang gawain ng Diyos bilang kalooban ng tao at ang Kanyang di-pangkaraniwang gawain bilang kalooban ng Diyos; higit pa rito, hindi dapat ituring ng isa ang mataas na pangangaral ng iba bilang mga pagbigkas ng Diyos o bilang mga aklat mula sa langit. Lahat ng gayong mga pananaw ay magiging labag sa kabutihang-asal. Maraming tao, sa pagkarinig na sinusuri Ko ang labing-tatlong sulat ni Pablo, ay naniniwalang hindi dapat mabasa ang mga sulat ni Pablo, at na si Pablo ay isang lubhang makasalanang tao. Marami pang mga tao na nag-iisip na masakit Akong magsalita, na ang pagtatasa Ko sa mga sulat ni Pablo ay hindi tumpak, at na hindi dapat ituring ang mga sulat na iyon bilang mga pagpapahayag lamang ng mga karanasan at pasanin ng tao. Naniniwala sila na dapat ituring ang mga ito bilang mga salita ng Diyos, na kasing halaga ito ng Aklat ng Pahayag ni Juan, na ang mga ito ay hindi maaaring paikliin o dagdagan, at higit pa rito, hindi maaaring basta na lamang ipaliwanag ang mga ito. Hindi ba mali ang lahat ng mga pantaong palagay na ito? Hindi ba’t dahil iyon sa katotohanang walang kabatiran ang mga tao? Talagang nakatulong nang malaki ang mga sulat ni Pablo sa mga tao, at mayroon na ang mga itong kasaysayan na mahigit 2,000 taon na. Gayunpaman, hanggang sa araw na ito, marami pa ring tao ang hindi nakakaarok sa sinabi niya noon. Itinuturing ng mga tao na pinakamahusay na obra maestra ang mga sulat ni Pablo sa buong Kristiyanismo, at na walang sinuman ang makatatalastas nito, at walang sinumang lubos na makakaunawa nito. Sa katunayan, ang mga sulat na ito ay gaya lamang ng talambuhay ng isang espirituwal na tao, at hindi maikukumpara sa mga salita ni Jesus o sa dakilang mga pangitain na nakita ni Juan. Kung ikukumpara, ang nakita ni Juan ay dakilang mga pangitain mula sa langit—mga propesiya tungkol sa sariling gawain ng Diyos—na hindi kayang makamit ng tao, samantalang ang mga sulat ni Pablo ay mga paglalarawan lamang ng nakita at naranasan ng isang tao. Ang mga ito ay kung ano ang kaya ng tao, nguni’t ang mga ito ay hindi mga propesiya o mga pangitain; mga sulat lamang ang mga ito na ipinadala sa iba’t ibang lugar. Para sa mga tao ng panahong iyon, gayunpaman, si Pablo ay isang manggagawa, at ang mga salita niya kung gayon ay mahalaga, dahil siya ay isang taong tumanggap ng ipinagkatiwala sa kanya. Samakatwid, nakatulong ang kanyang mga sulat sa lahat ng mga yaong naghanap kay Cristo. Bagama’t hindi si Jesus mismo ang nagwika ng mga salitang iyon, ang mga iyon, sa huli, ay mahalaga sa kanilang panahon. Dahil diyan, iniayos ng mga taong sumunod pagkatapos ng panahon ni Pablo ang kanyang mga sulat sa Bibliya, kaya naipasa-pasa ang mga ito hanggang sa araw na ito. Nauunawaan ba ninyo ang ibig Kong sabihin? Binibigyan Ko lamang kayo ng tumpak na paliwanag tungkol sa mga sulat na ito, at sinusuri ang mga bahagi nito nang hindi ipinagkakait ang anumang pakinabang at kahalagahan ng mga ito sa mga tao bilang mga sanggunian. Kung, matapos basahin ang Aking mga salita, hindi lamang ninyo ipinagkaila ang mga sulat ni Pablo, kundi itinuring ding mali o walang halaga ang mga ito, masasabi lamang na napakahina ng inyong kakayahang makaunawa, pati na ang inyong pagkakita at inyong paghatol sa mga bagay-bagay; tiyak na hindi masasabi na ang mga salita Ko ay labis-labis na may pinapanigan. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Ang mahahalagang bagay na dapat ninyong maabot ay ang aktuwal na kalagayan ng gawain ni Pablo noong panahong iyon at ang mga pangyayari habang ginagawa niya ang mga sulat. Kung tama ang pananaw ninyo sa mga kalagayang ito, magiging tama rin ang pananaw ninyo tungkol sa mga sulat ni Pablo. Kasabay nito, kapag naarok na ninyo ang pinakadiwa ng mga sulat na iyon, magiging tama ang pagtatasa mo sa Bibliya, at pagkatapos mauunawaan mo kung bakit sinamba nang husto ng mga sumunod na henerasyon ang mga sulat ni Pablo sa loob ng maraming taon noon, pati na rin ang dahilan kung bakit itinuturing pa nga siyang Diyos ng maraming tao. Hindi ba’t iyan din ang maiisip ninyo, kung hindi ninyo naunawaan?
Ang isa na hindi ang Diyos Mismo ay hindi kayang katawanin ang Diyos Mismo. Ang gawain ni Pablo ay masasabi lamang na isang bahagi ng pananaw ng tao at isang bahagi ng pagliliwanag ng Banal na Espiritu. Isinulat ni Pablo ang mga salitang ito mula sa pananaw ng isang tao, na may pagliliwanag mula sa Banal na Espiritu. Hindi ito isang pambihirang bagay. Kaya nga hindi maiiwasan na nahaluan ang kanyang mga salita ng ilang pantaong karanasan, at ginamit niya kalaunan ang kanyang mga personal na karanasan para mapaglaanan at masuportahan ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae noong panahong iyon. Ang mga sulat niyang ito ay hindi naikakategorya bilang pag-aaral ng buhay, ni naikakategorya bilang mga talambuhay o mensahe. Higit pa rito, hindi rin ito mga katotohanan na isinagawa ng iglesia ni mga utos para sa pamamahala ng iglesia. Bilang taong may pasanin—isang taong itinalaga ng Banal na Espiritu upang gumawa—ito ay isang bagay na kailangan nilang gawin. Kung nagtataas ang Banal na Espiritu ng mga tao at binibigyan sila ng pasanin, nguni’t hindi nila inaakò ang gawain ng iglesia, at hindi napapamahalaan nang maayos ang mga gawain nito, o nalulutas na maigi ang lahat ng mga problema nito, pinatutunayan lang nito na hindi tinutupad nang maayos ng mga taong iyon ang kanilang mga tungkulin. Samakatwid hindi masyadong nakapagtataka na makagawa ang isang apostol ng mga sulat sa buong panahon ng kanilang paggawa. Bahagi ito ng kanilang gawain; obligasyon nilang gawin ito. Ang layunin nila sa paggawa ng mga sulat ay hindi ang sumulat ng isang pag-aaral ng buhay o isang espirituwal na talambuhay, at sigurado rin na hindi ito para magbukas ng iba pang daan para sa mga banal. Sa halip, ginawa nila ito para tuparin ang sarili nilang tungkulin at maging tapat na tagapaglingkod sa Diyos, upang makapagbigay-sulit sila sa Diyos sa pamamagitan ng pagtapos sa mga atas na naipagkatiwala Niya sa kanila. Kailangang maging responsable sila para sa kanilang sarili at para sa kanilang mga kapatid na lalaki at babae sa kanilang gawain, at kailangan nilang gawin nang mabuti ang kanilang gawain at isapuso ang mga kaganapan ng iglesia. Lahat ng ito ay bahagi lamang ng kanilang tungkulin.
Kung nakatamo kayo ng pagkaunawa sa mga sulat ni Pablo, magkakaroon din kayo ng tamang ideya at pagtatasa hinggil sa mga sulat nina Pedro at Juan. Hindi na ninyo muling titingnan ang mga sulat na ito bilang mga aklat mula sa langit na sagrado at hindi malalabag, at lalo nang hindi ituturing si Pablo bilang Diyos. Anuman ang mangyari, ang gawain ng Diyos ay iba sa gawain ng tao at, higit pa rito, paano magiging katulad ang Kanyang mga pagpapahayag doon sa kanila? May Kanyang sariling partikular na disposisyon ang Diyos, samantalang ang tao ay may mga tungkuling dapat nilang gampanan. Ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos sa Kanyang gawain, samantalang ang tungkulin ng tao ay isinasakatawan sa mga karanasan ng tao at ipinapahayag sa mga paghahabol ng tao. Kung gayon nakikita ito sa pamamagitan ng mga gawaing ginagawa kung ang isang bagay ay pagpapahayag ng Diyos o pagpapahayag ng tao. Hindi kinakailangang maipaliwanag ito ng Diyos Mismo, ni hinihingi nito na magsikap ang tao na magpatotoo; higit pa rito, hindi nito kinakailangan ang Diyos Mismo para supilin ang sinumang tao. Dumarating ang lahat ng ito bilang isang natural na paghahayag; hindi ito pinipilit ni isang bagay na napapakialaman ng tao. Nalalaman ang tungkulin ng tao sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, at hindi ito nangangailangan na gumawa ang mga tao ng anumang ekstrang gawaing pang-karanasan. Naihahayag ang buong esensya ng tao habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, samantalang naipapahayag ng Diyos ang Kanyang likas na disposisyon habang ginagampanan ang Kanyang gawain. Kung ito ay gawain ng tao, hindi ito matatakpan. Kung ito ay gawain ng Diyos, mas imposibleng matakpan ng sinuman ang disposisyon ng Diyos, at lalo pang hindi makokontrol ng tao. Walang tao na maituturing na Diyos, ni maituturing ang kanilang gawain at mga salita bilang banal o maituturing na hindi nababago. Maaaring masabi na tao ang Diyos dahil binihisan Niya ang Sarili Niya ng laman, nguni’t hindi maituturing ang gawain Niya bilang gawain ng tao o tungkulin ng tao. Higit pa rito, ang mga pagbigkas ng Diyos at mga sulat ni Pablo ay hindi napagpapantay, ni napapatungkulan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos at ang mga salita ng tagubilin ng tao sa magkakaparehong kataga. Kung gayon, may mga panuntunan na nagsasabi ng kaibahan ng gawain ng Diyos sa gawain ng tao. Makikita ang mga pagkakaiba nito ayon sa diwa ng mga ito, hindi sa saklaw ng gawain o pansamantalang bisa nito. Sa paksang ito, nagkakamali ang karamihan sa mga tao tungkol sa panuntunan. Ito ay sa kadahilanang tumitingin ang tao sa panlabas, na nakakamit nila, samantalang tumitingin ang Diyos sa diwa, na hindi namamasdan ng pisikal na mga mata ng sangkatauhan. Kung itinuturing mo ang mga salita at gawain ng Diyos bilang mga tungkulin ng karaniwang tao, at tinitingnan ang malaking gawain ng tao bilang gawain ng Diyos na nakabihis ng katawang-tao sa halip na tungkuling tinutupad ng tao, hindi ka kaya nagkakamali sa panuntunan? Ang mga sulat at mga talambuhay ng tao ay madaling naisusulat, nguni’t tanging sa saligan lamang ng gawain ng Banal na Espiritu. Gayunpaman, ang mga pagbigkas at gawain ng Diyos ay hindi madaling natutupad ng tao o nakakamit ng karunungan at pag-iisip ng tao, ni naipapaliwanag ang mga ito nang lubos ng mga tao matapos itong siyasatin. Kung ang mga bagay na ito ng panuntunan ay hindi nagbubunsod ng anumang pagtugon sa inyo, kung gayon ang inyong pananampalataya ay kitang hindi tapat o pino. Masasabi lamang na ang inyong pananampalataya ay puno ng kalabuan, at magulo rin at walang panuntunan. Nang hindi man lang nauunawaan ang pinakapangunahin at mahalagang usapin tungkol sa Diyos at tao, ang ganitong uri ba ng pananampalataya ay hindi yaong lubos na walang kabatiran? Paanong magiging posible na si Pablo lamang ang nag-iisang tao na ginamit sa buong kasaysayan? Paanong magiging posible na siya lamang ang nag-iisang gumawa para sa iglesia kahit kailan? Paanong magiging siya lamang ang nag-iisa na nakapagsulat sa mga iglesia para alalayan sila? Gaano man kalawak o kaepektibo ang gawain ng mga taong ito, o maging ang mga resulta ng kanilang paggawa, hindi ba’t magkakatulad lahat ang mga panuntunan at diwa ng gayong gawain? Hindi ba’t may mga bagay tungkol dito na lubos na naiiba sa gawain ng Diyos? Bagama’t may malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawa’t yugto ng gawain ng Diyos, at bagama’t marami sa mga paraan ng Kanyang paggawa ang hindi lubos na magkapareho, hindi ba’t lahat ng ito ay mayroon lamang iisang diwa at pinagmulan? Kaayon dito, kung hindi pa malinaw ang isang tao tungkol sa mga bagay na ito ngayon, kung gayon sila rin ay masyadong nagkukulang sa katwiran. Kung, pagkatapos basahin ang mga salitang ito, sinasabi pa rin ng isang tao na sagrado at hindi nalalabag ang mga sulat ni Pablo at naiiba ang mga ito sa mga talambuhay ng sinumang mga espirituwal na tao, kung gayon ang katwiran ng taong ito ay lubos na hindi normal, at walang alinlangang ang gayong tao ay eksperto sa doktrina at siya’y lubos na walang kabuluhan. Kahit pa sinasamba mo si Pablo, hindi mo magagamit ang pagmamahal mo sa kanya para pilipitin ang katotohanan ng mga bagay na nangyayari o pabulaanan ang pag-iral ng katotohanan. Higit pa rito, ang mga sinabi Ko ay hindi kahit kailan tumupok sa lahat ng gawain at mga sulat ni Pablo o nagkakaila nang lubos sa kahalagahan ng mga ito bilang mga sanggunian. Sa ano’t anuman, ang intensyon Ko sa pagsasabi ng mga salitang ito ay upang magkaroon kayo ng tamang pagkaunawa at makatwirang pagtatasa sa lahat ng bagay at mga tao: Ito lamang ang normal na dahilan; ito lamang ang dapat isangkap sa kanilang mga sarili ng mga matuwid na tao na nagtataglay ng katotohanan.