Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha
Ang isang yugto ng gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan sa Israel, at ang isa ay isinakatuparan sa Judea. Sa pangkalahatan, alinman sa mga yugto ng gawaing ito ay hindi iniwan ang Israel, at bawat isa ay isinagawa sa unang mga taong hinirang. Dahil dito, naniniwala ang mga Israelita na ang Diyos na si Jehova ay Diyos lamang ng mga Israelita. Dahil gumawa si Jesus sa Judea, kung saan tinapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus, ang tingin sa Kanya ng mga Hudyo ay Manunubos ng mga Hudyo. Akala nila ay Hari lamang Siya ng mga Hudyo, hindi ng sinumang iba pang mga tao; na hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Briton, ni hindi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Amerikano, kundi Siya ang Panginoong tumutubos sa mga Israelita; at ang mga Hudyo ang tinubos Niya sa Israel. Sa totoo lang, ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay. Siya ang Diyos ng lahat ng nilikha. Hindi lamang Siya Diyos ng mga Israelita, ni ng mga Hudyo; Diyos Siya ng lahat ng nilikha. Ang naunang dalawang yugto ng Kanyang gawain ay naganap sa Israel, at ang mga tao ay nagkaroon ng mga kuru-kuro bilang resulta nito. Naniniwala sila na ginawa ni Jehova ang Kanyang gawain sa Israel, na si Jesus Mismo ang nagsakatuparan ng Kanyang gawain sa Judea, at, bukod pa rito, na ginawa ni Jesus ang gawaing ito sa laman. Ano’t anuman, iniisip nila, ang gawaing ito ay hindi lumagpas pa sa Israel. Hindi gumawa ang Diyos sa mga taga-Ehipto o sa mga Indiano; gumawa lamang Siya sa mga Israelita. Sa gayon ay nakabuo ng iba’t ibang kuru-kuro ang mga tao, at nilimitahan ang gawain ng Diyos sa isang tiyak na saklaw. Sinasabi nila na kapag gumagawa ang Diyos, kailangan Niyang gawin iyon sa mga taong hinirang, at sa Israel; maliban sa mga Israelita, hindi na gumagawa ang Diyos sa iba, ni wala nang anumang mas malawak na saklaw ang Kanyang gawain. Napakahigpit nila pagdating sa pagkokontrol sa Diyos na nagkatawang-tao, at hindi nila Siya pinapayagang kumilos nang lampas sa mga hangganan ng Israel. Hindi ba mga kuru-kuro lamang ng tao ang lahat ng ito? Ginawa ng Diyos ang lahat ng langit at lupa at lahat ng bagay, ginawa Niya ang lahat ng nilikha, kaya paano Niya lilimitahan ang Kanyang gawain sa Israel lamang? Kung magkagayon, ano ang silbi ng paglalang Niya sa lahat ng nilikha? Nilikha Niya ang buong mundo, at naisakatuparan Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala hindi lamang sa Israel, kundi sa bawat tao sa sansinukob. Ano ka man—Tsino, Amerikano, Briton, Ruso—bawat tao ay inapo ni Adan; lahat sila ay nilalang ng Diyos. Walang isa man sa kanila ang makakatakas sa mga hangganan ng mga nilikha, at wala ni isa sa kanila ang makakahiwalay sa titulo na “inapo ni Adan.” Lahat sila ay mga nilikha, at lahat sila ay supling ni Adan, at lahat sila ay mga tiwaling inapo rin nina Adan at Eba. Hindi lamang ang mga Israelita ang mga nilikha, kundi lahat ng tao; kaya lamang ay isinumpa na ang ilan, at napagpala ang ilan. Maraming kanais-nais na bagay tungkol sa mga Israelita; gumawa ang Diyos sa kanila sa simula dahil sila ang mga taong pinaka-hindi gaanong tiwali. Hindi maikukumpara ang mga Tsino sa kanila; hamak na mas mababa ang mga ito. Kaya, gumawa ang Diyos sa mga tao ng Israel sa simula, at ang pangalawang yugto ng Kanyang gawain ay isinakatuparan lamang sa Judea—na humantong na sa pagkabuo ng maraming kuru-kuro at regulasyon sa mga tao. Sa katunayan, kung kikilos ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro ng tao, magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at sa gayon ay hindi Niya makakayang ipalaganap ang Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil, sapagkat magiging Diyos lamang Siya ng mga Israelita, at hindi Diyos ng lahat ng nilikha. Isinaad sa mga propesiya na ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil, na lalaganap ito sa mga bayan ng Hentil. Bakit ito ipinropesiya? Kung ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, sa Israel lamang Siya gagawa. Bukod pa riyan, hindi Niya palalaganapin ang gawaing ito, at hindi Siya gagawa ng ganitong propesiya. Dahil ginawa nga Niya ang propesiyang ito, siguradong ipapalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil, sa loob ng bawat bansa at lahat ng lupain. Dahil sinabi Niya ito, kailangan Niyang gawin ito; ito ang Kanyang plano, sapagkat Siya ang Panginoon na lumikha sa langit at lupa at lahat ng bagay, at ang Diyos ng lahat ng nilikha. Gumagawa man Siya sa mga Israelita, o sa buong Judea, ang gawaing Kanyang ginagawa ay ang gawain ng buong sansinukob, at ang gawain ng buong sangkatauhan. Ang gawaing Kanyang ginagawa ngayon sa bansa ng malaking pulang dragon—sa isang bayan ng Hentil—ay gawain pa rin ng buong sangkatauhan. Ang Israel ay maaaring maging pundasyon ng Kanyang gawain sa lupa; gayundin, maaari ding maging pundasyon ang Tsina sa Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil. Hindi ba natupad na Niya ngayon ang propesiya na “ang pangalan ni Jehova ay magiging dakila sa mga bayan ng Hentil”? Ang unang hakbang ng Kanyang gawain sa mga bayan ng Hentil ay ang gawaing ito, ang gawaing Kanyang ginagawa sa bansa ng malaking pulang dragon. Salungat talaga sa mga kuru-kuro ng tao ang paggawa ng Diyos na nagkatawang-tao sa lupaing ito, at ang paggawa sa mga isinumpang taong ito; sila ang mga taong pinakaaba sa lahat, wala silang halaga, at sa simula ay inabandona sila ni Jehova. Ang mga tao ay maaaring talikuran ng ibang mga tao, ngunit kung inabandona sila ng Diyos, sila na ang may pinakamababang katayuan, sila na ang may pinakamababang halaga. Para sa isang nilikha, ang maangkin ni Satanas o matalikuran ng mga tao ay isang bagay na napakasakit—ngunit ang isang nilikha na inabandona ng Lumikha ay nangangahulugan na wala nang mas mababa pa sa kanyang katayuan. Ang mga inapo ni Moab ay isinumpa, at isinilang sila sa paurong na bansang ito; walang duda, sa lahat ng taong nasa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, ang mga inapo ni Moab ang may pinakamababang katayuan. Dahil ang mga taong ito ay may pinakamababang katayuan noon pa man, ang gawaing ginagawa sa kanila ang pinakabumabasag sa mga kuru-kuro ng tao, at pinakakapaki-pakinabang din sa buong anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos. Ang paggawa ng gayong gawain sa mga taong ito ang pinakanakakabasag sa mga kuru-kuro ng tao, at sa pamamagitan nito ay inilulunsad ng Diyos ang isang kapanahunan; sa pamamagitan nito ay binabasag Niya ang lahat ng kuru-kuro ng tao; sa pamamagitan nito ay tinatapos Niya ang gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Ang Kanyang inisyal na gawain ay isinakatuparan sa Judea, sa loob ng mga hangganan ng Israel; sa mga bayan ng Hentil, wala Siyang ginawang anumang gawain para maglunsad ng isang bagong kapanahunan. Ang huling yugto ng gawain ay hindi lamang isinasakatuparan sa mga Hentil, kundi lalo na sa mga taong isinumpa. Ang isang puntong ito ang katibayan na may pinakamalaking kakayahang pahiyain si Satanas, at sa gayon, ang Diyos ay “nagiging” Diyos ng lahat ng nilikha sa sansinukob, ang Panginoon ng lahat ng bagay, ang pakay ng pagsamba para sa lahat ng bagay na may buhay.
Ngayon, may mga hindi pa rin nakakaunawa kung anong bagong gawain ang nasimulan ng Diyos. Sa mga bayan ng Hentil, nagpasimula na ang Diyos ng isang bagong panimula. Nagpasimula Siya ng isang bagong kapanahunan, at nagpasimula ng bagong gawain—at ginagampanan Niya ang gawaing ito sa mga inapo ni Moab. Hindi ba ito ang Kanyang pinakabagong gawain? Wala pang sinuman sa buong mga kapanahunan ang nakaranas ng gawaing ito kailanman. Ni wala pang nakarinig dito, lalo nang walang nakaarok dito. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, pagiging di-maarok, kadakilaan, at kabanalan ng Diyos ay pawang naibubunyag sa yugtong ito ng gawain, ang gawain sa mga huling araw. Hindi ba ito bagong gawain, gawaing bumabasag sa mga kuru-kuro ng tao? May mga nag-iisip ng ganito: “Yamang isinumpa ng Diyos si Moab at sinabi na aabandonahin Niya ang mga inapo ni Moab, paanong ililigtas Niya sila ngayon?” Sila iyong mga Hentil na isinumpa ng Diyos at pinaalis sa Israel; tinawag sila ng mga Israelita na “mga asong Hentil.” Sa paningin ng lahat, hindi lamang sila mga asong Hentil, kundi mas masahol pa, mga anak ng pagkawasak; na ibig sabihin, hindi sila mga taong hinirang ng Diyos. Bagama’t inisyal silang isinilang sa loob ng mga hangganan ng Israel, hindi sila kabilang sa mga tao ng Israel, at pinatalsik sila sa mga bayan ng Hentil. Sila ang pinakaaba sa lahat ng tao. Ito ay dahil mismo sa sila ang pinakaaba sa sangkatauhan kaya isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paglulunsad ng isang panibagong kapanahunan sa kanila, sapagkat kinakatawan nila ang tiwaling sangkatauhan. Ang gawain ng Diyos ay hindi walang pagpili o walang layon; ang gawaing Kanyang ginagawa sa mga taong ito ngayon ay gawain ding isinasagawa sa lahat ng nilikha. Si Noe ay isang nilikha, gayundin ang kanyang mga inapo. Sinuman sa mundo na may laman at dugo ay isang nilikha. Ang gawain ng Diyos ay nakatuon sa lahat ng nilikha; hindi ito nakasalalay sa kung isinumpa ang tao matapos siyang likhain. Ang Kanyang gawain ng pamamahala ay nakatuon sa lahat ng nilikha, hindi roon sa mga taong hinirang na hindi isinumpa. Dahil nilalayon ng Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lahat ng Kanyang nilikha, tiyak na isasakatuparan Niya ito hanggang sa matagumpay na matapos, at gagawa Siya sa mga taong kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain. Samakatwid, binabali Niya ang lahat ng regulasyon kapag gumagawa Siya sa mga tao; ang mga salitang “isinumpa,” “kinastigo” at “pinagpala” ay hindi umiiral para sa Kanya! Ang mga Hudyo ay mabuti, gayundin ang mga taong hinirang sa Israel; sila ay mga taong may mataas na kakayahan at mabuting pagkatao. Sa simula, sa kanila inilunsad ni Jehova ang Kanyang gawain, at isinagawa ang Kanyang pinakaunang gawain—ngunit ang gawin silang mga tagatanggap ng gawain ng paglupig ngayon ay magiging walang kabuluhan. Bagama’t sila rin ay bahagi ng mga nilikha, at may maraming positibo tungkol sa kanila, ngunit walang silbi ang pagsasagawa ng yugtong ito ng gawain sa kanila; hindi nito malulupig ang mga tao, ni hindi nito makukumbinsi ang lahat ng nilikha. Ito mismo ang kabuluhan ng paglilipat ng Kanyang gawain sa mga taong ito sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang may pinakamalaking kabuluhan dito ay ang Kanyang paglulunsad ng isang kapanahunan, ang Kanyang pagbali sa lahat ng regulasyon at lahat ng kuru-kuro ng tao at ang Kanyang pagtatapos ng gawain ng buong Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinasakatuparan pa rin ang Kanyang kasalukuyang gawain sa mga Israelita, kapag natapos na ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala, maniniwala ang lahat na ang Diyos ay Diyos lamang ng mga Israelita, na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, at na ang mga Israelita lamang ang karapat-dapat na magmana ng pagpapala at pangako ng Diyos. Isinasakatuparan ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw sa bansang Hentil ng malaking pulang dragon ang Kanyang gawain ng pagiging ang Diyos ng lahat ng nilikha, tinatapos ang kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala, at winawakasan ang pinakamahalagang bahagi ng Kanyang gawain ng pamamahala sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang sentro ng tatlong yugto ng gawain ay ang pagliligtas sa tao—iyon ay, pasambahin sa Lumikha ang lahat ng nilikha. Sa gayon, may malaking kahulugan ang bawat yugto ng gawain; walang anumang ginagawa ang Diyos na walang kahulugan o halaga. Sa isang banda, pinasisimulan ng yugtong ito ng gawain ang isang bagong kapanahunan at winawakasan ang naunang dalawang kapanahunan; sa kabilang banda, binabasag nito ang lahat ng kuru-kuro ng mga tao at lahat ng lumang paraan ng paniniwala at mga lumang paraan ng pag-unawa sa mga bagay. Ang gawain ng naunang dalawang kapanahunan ay isinakatuparan ayon sa iba’t ibang mga kuru-kuro ng tao; gayunman, ganap na inaalis ng yugtong ito ang mga kuru-kuro ng tao, sa gayon ay lubos na nalulupig ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng paglupig sa mga inapo ni Moab, sa pamamagitan ng gawaing isinakatuparan sa mga inapo ni Moab, lulupigin ng Diyos ang mga tao sa buong sansinukob. Ito ang pinakamalalim na kabuluhan ng yugtong ito ng Kanyang gawain, at ito ang pinakamahalagang aspekto ng yugtong ito ng Kanyang gawain. Kahit alam mo na ngayon na aba ang iyong sariling posisyon at na mababa ang iyong halaga, madarama mo pa rin na nagmana ka ng isang napakalaking pagpapala at tumanggap na ng isang napakadakilang pangako, at na makakatulong kang isakatuparan ang dakilang gawaing ito ng Diyos, makita ang tunay na mukha ng Diyos, malaman ang likas na disposisyon ng Diyos, at makasunod sa kalooban ng Diyos, na makikita mong ang pinakanakagagalak na bagay. Ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos ay isinakatuparan sa Israel. Kung isinasakatuparan din ang yugtong ito ng Kanyang gawain sa mga huling araw sa mga Israelita, hindi lamang maniniwala ang lahat ng nilikha na ang mga Israelita lamang ang mga taong hinirang ng Diyos, kundi mabibigo rin ang buong plano ng pamamahala ng Diyos na makamit ang nais nitong epekto. Sa panahon kung kailan isinakatuparan ang dalawang yugto ng Kanyang gawain sa Israel, walang bagong gawain—ni walang anumang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ang isinakatuparan sa mga bayan ng Hentil. Ang yugto ng gawain sa ngayon—ang gawain ng paglulunsad ng isang bagong kapanahunan—ay unang isinasakatuparan sa mga bayan ng Hentil, at, dagdag pa rito, pauna itong isinasakatuparan sa mga inapo ni Moab, sa gayon ay inilulunsad nito ang buong kapanahunan. Binabasag ng Diyos ang anumang kaalamang nakapaloob sa mga kuru-kuro ng tao, na hindi tinutulutang manatili ang anuman dito. Sa Kanyang gawain ng paglupig, binasag na Niya ang mga kuru-kuro ng tao, at ang mga luma at dating paraan ng pag-unawa sa mga bagay. Hinahayaan Niya na makita ng mga tao na walang mga regulasyon sa Diyos, na walang anumang luma tungkol sa Diyos, na ang gawaing Kanyang ginagawa ay lubos na napalaya, lubos na malaya, at na tama Siya sa lahat ng Kanyang ginagawa. Kailangan mong lubos na magpasakop sa anumang gawaing Kanyang ginagawa sa mga nilikha. Lahat ng gawaing Kanyang ginagawa ay may kahulugan, at isinasakatuparan ayon sa Kanyang sariling mga layunin at karunungan, at hindi ayon sa mga pagpili at kuru-kuro ng tao. Kung may anumang kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, ginagawa Niya iyon; at kung may hindi kapaki-pakinabang sa Kanyang gawain, hindi Niya iyon ginagawa, gaano man iyon kaganda! Gumagawa Siya at pumipili ng mga tatanggap at lugar ng Kanyang gawain alinsunod sa kahulugan at layunin ng Kanyang gawain. Hindi Siya kumakapit sa mga dating regulasyon kapag gumagawa Siya, ni hindi Siya sumusunod sa mga lumang pormula. Sa halip, ipinaplano Niya ang Kanyang gawain ayon sa kabuluhan ng gawain. Sa huli, matatamo Niya ang isang tunay na epekto at ang inaasam na layon nito. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito ngayon, hindi magkakaroon ng bisa ang gawaing ito sa iyo.