Upang Matupad Nang Maayos ang Tungkulin ng Isang Tao, Pag-unawa sa Katotohanan ang Pinakamahalaga

Upang magampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin nang kasiya-siya, ang pinakamahalagang bagay ay ang magsikap nang husto para sa katotohanan. Tanging sa pag-unawa lang sa mga katotohanang prinsipyo makakakilos ang mga tao alinsunod sa mga prinsipyong ito. Bukod dito, kailangan ng mga taong matutunan ang tungkol sa iba’t ibang larangan ng kadalubhasaan at natatanging kasanayan na may kaugnayan sa kanilang mga tungkulin, at mahalagang matutunan ang ilang simple at praktikal na pamamaraan. May ilang taong mayroong kaunting teknikal na kadalubhasaan, ngunit hindi nila alam kung paano ito gagamitin sa kanilang mga tungkulin. Kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, hindi kailanman maliwanag sa kanilang puso ang usapin. Hindi nila alam kung aling paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay ang tama, ang sumusunod sa mga katotohanang prinsipyo, at ang may pakinabang sa iba, o kung aling paraan ang hindi tama at ang lumalabag sa mga prinsipyo. Nasa isang magulong kalagayan ang mga isipan nila. Para sa kanila, tila tama ang paraang ito, ngunit tila puwede ring gamitin ang iba pang mga paraan. Hindi sila kailanman sigurado kung paano kikilos nang nararapat at hindi nila alam kung paano magsasagawa para masunod ang tamang landas. Ano ang pinatutunayan nito? (Na hindi nila nauunawaan ang katotohanan.) Hindi nauunawaan ng mga taong ito ang katotohanan, at sila ay nalilito tungkol sa kanilang panloob na kalagayan at sa kanilang pagkaunawa at mga pamantayan ng pagtasa sa maraming bagay. Kapag hindi sila abala sa isang bagay, pakiramdam nila ay nauunawaan nila ang lahat at na madali lang ang lahat para sa kanila. Subalit, kapag talagang naharap na sila sa isang sitwasyon sa tunay na buhay, hindi nila alam kung ano ang gagawin dito, kung paano ito haharapin, o ang tamang paraan upang magpatuloy. Doon pa lang nila nararamdaman na wala silang kahit ano at wala silang nauunawaang anuman sa katotohanan. Ang mga doktrinang pinag-usapan nila dati ay walang kabuluhan. Wala silang magagawa kundi ang maghanap sa ibang tao at talakayin ang sitwasyon sa kanila. Ito ang nangyayari kapag nahaharap sa isang sitwasyon ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan—hindi nila alam ang gagawin nila, puno sila ng pagkabalisa, pakiramdam nila ay mali ang gawin ang ganito at hindi tama ang gawin ang ganyan, at hindi nila matagpuan ang tamang landas. Saka pa lang nila nakikita na, kung wala ang katotohanan, mahirap talagang gawin ang kahit isang hakbang! Ano ang pinakakailangan ng gayong mga tao sa oras na ito? Ito ba ay satanikong pilosopiya at kaalaman, o pagkaunawa sa katotohanan? Ang pinakamahalagang bagay ay ang maunawaan ang katotohanan. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, kahit pa matapos mo ang isang gawain, makakaramdam ka ng pag-aalinlangan tungkol dito. Hindi mo malalaman kung ginawa mo ba ito nang tama o kung ano ba ang magiging resulta pagkatapos makumpleto ang gawain. Hindi mo masukat ang mga bagay na ito. Bakit hindi mo masukat ang mga ito? Bakit palaging puno ng pag-aalinlangan ang puso mo? Ito ay dahil, kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay, hindi ka sigurado kung ginagawa mo ba ang mga ito sa paraang tunay at talagang umaayon sa mga prinsipyo, kung ang isinasagawa mo ba ay mga prinsipyo, at kung ang pagsasagawa mo ba ay umaayon o hindi sa katotohanan. Hindi mo ito maberipika. Kung magkakamit ka ng maliit na resulta sa pagganap mo ng tungkulin mo, mararamdaman mo na napakagaling mo at na nagkamit ka ng kaunting kapital, at magiging kampante ka. Gayunman, kung walang malinaw na resulta o kung hindi nito natutugunan ang mga pamantayan ng mga prinsipyo, agad kang magiging negatibo at mag-iisip na, “Kailan ako bibigyang-liwanag ng Diyos? Bakit palaging binibigyang-liwanag ng Diyos ang iba, samantalang ako ay walang natatanggap na inspirasyon, walang kaliwanagan, at walang pagtanglaw?” Minsan ay maaari mong maramdaman na ginawa mo ang mga bagay-bagay nang may mga tamang intensyon at na nagsikap ka nang husto, kaya umaasa kang masayang tatanggapin, sasang-ayunan, at pagtitibayin ng Diyos ang pagsisikap mo. Gayunman, kasabay nito, natatakot ka ring sabihin ng Diyos na hindi tama ang ikinilos mo at na hindi Niya ito sasang-ayunan. Hindi ba’t nagpapakita ito ng pag-aalala para sa pakinabang at kawalan? Kapag nakikita mong mababa ang iyong tayog, na labis kang mapaghimagsik at mayabang, at na nagiging kampante ka sa tuwing natutupad mo ang napakaliit na bagay, mararamdaman mong ikaw ay labis na tiwali, na ikaw ay isang diyablo at Satanas, at hindi karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos. Pagkatapos mong maisakatuparan ang ilan pang maliliit na bagay, iisipin mong medyo mahusay ka naman pala, na mayroon kang kaunting kakayahan at kaya mong magkamit ng kaunting resulta, kaya dapat kang gantimpalaan. Nagpapakita ba ito ng pag-aalala para sa pakinabang at kawalan? Ano ang nagdudulot ng paglitaw ng ganitong kalagayan ng pag-aalala tungkol sa pakinabang at kawalan? Ito ay direktang nauugnay sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, nagbubunga ito ng maraming kalagayan at maraming pagpapamalas. Ang pangunahing bagay ay na madalas nabubuhay ang mga tao sa kalagayan ng pag-aalala tungkol sa pakinabang at kawalan. Ito ang normal na kalagayan nila. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo masukat ang sarili mong mga kakayahan; hindi mo alam kung ano ang kaya at hindi mo kayang gawin. Dahil hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo alam kung anong mga prinsipyo at pamantayan ang susundin kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, o kung ano ang resultang dapat mong hangarin. Hindi mo rin alam kung ano ang mithiin at direksyon ng buhay. Hindi mo alam kung bakit galit ang Diyos sa iyo, kung bakit sinasang-ayunan ka ng Diyos, o kung bakit maluwag ang Diyos sa iyo—hindi mo alam ang alinman sa mga bagay na ito. Hindi mo alam kung saan ka tatayo, at hindi mo masukat kung naisakatuparan ba ng ginawa mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha at kung naging kasiya-siya ba ang pagganap mo. Minsan ay ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang mahiyain, at sa ibang pagkakataon naman ay malakas ang loob mo at masiglang-masigla ka. Palaging pabago-bago ang kalagayan mo. Paano nagiging pabago-bago ang kalagayan ng isang tao? Sa huli, may kaugnayan ito sa kawalan ng pagkaunawa sa katotohanan. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, pinangangasiwaan nila ang mga bagay-bagay nang walang prinsipyo. Sila ay labis na pabago-bago kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay, at walang palya silang lumilihis sa isang paraan o iba pa. Kapag walang anumang ginagawa, tila ba nauunawaan nila ang lahat at nagsasalita sila nang maayos ukol sa doktrina—ngunit kapag may nangyari at sinabihan silang ayusin ito, na gamitin nila sa tunay na buhay ang lahat ng katotohanang nauunawaan nila, wala silang landas, hindi nila alam kung anong prinsipyo ang gagamitin, at sinasabi nila sa kanilang sarili, “Nauunawaan ko na dapat kong tapat na gampanan ang tungkulin ko, na dapat akong maging tapat, na hindi ako dapat magkaroon ng mga kuru-kuro o maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, na dapat akong maging mapagpasakop sa Diyos—ngunit paano ko talaga dapat pangasiwaan ito?” Paulit-ulit nilang pinag-iisipan ito at sinusubukang gamitin ang mga regulasyon, at nauuwi silang walang ideya kung anong mga regulasyon ang gagamitin. Sa palagay ninyo, ang isa bang taong kailangang magsaliksik sa isang aklat ng mga salita ng Diyos kapag may nangyayari sa kanya ay isang taong nakakaunawa sa katotohanan? Hindi ito tunay na pagkaunawa sa katotohanan. Nauunawaan lamang ng mga gayong tao ang ilang doktrina, ngunit hindi pa nila nauunawaan ang realidad ng mga katotohanang ito. Ipinapakita nito na ang madalas nilang sinasabi, at ang sa paniniwala nila ay nauunawaan nila, ay pawang mga doktrina lamang. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, kung tinataglay mo ang katotohanang realidad, kapag may nangyayari sa iyo, alam mo kung paano ka kikilos nang ayon sa mga layunin ng Diyos, at kung paano ka kikilos sa saklaw ng mga hangganan ng prinsipyo. Kung ang nauunawaan mo lang ay doktrina—at hindi ang katotohanan—kapag talagang may nangyari sa iyo, kung aasa ka sa doktrina at susunod sa mga regulasyon, wala kang lulusutan. Hindi mo matatagpuan ang prinsipyo at hindi mo mahahanap ang landas para magsagawa. Ang ibig sabihin, maaaring tila nauunawaan mo ang isang aspekto ng katotohanan, na tila nauunawaan mo ang kahulugan ng mga salitang iyon ng katotohanan, at na tila nauunawaan mo nang kaunti ang mga layunin ng Diyos at kung ano ang hinihingi ng Diyos—na tila ba alam mo ang lahat ng ito—ngunit kapag may nangyayari sa iyo, hindi mo naisasagawa ang katotohanan, pikit-mata mong ipinapatupad ang mga regulasyon at ginugulo ang mga bagay. Hindi ba’t kahiya-hiya ito? Kapag may nangyayari sa mga taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan, nagagawa nilang hanapin ang mga prinsipyong isasagawa, mayroon silang landas ng pagsasagawa, at naisasagawa nila ang mga katotohanang prinsipyo. Para naman sa mga taong nakapagsasabi lamang ng mga salita at doktrina, tila ba nauunawaan nila ang katotohanan, ngunit pagdating ng oras para kumilos, sila ay nalilito. Pinatutunayan nito na lubos na hindi nauunawaan ng mga taong nagsasabi ng mga salita at doktrina ang katotohanan. Sinusubukan ng mga taong nagsasabi ng mga salita at doktrina na ilihis ang iba, sila ay mga manlilinlang. Kapwa nila nililinlang ang kanilang mga sarili at ang iba—na ang ibig sabihin ay pinipinsala nila ang mga sarili nila at gayundin ang iba!

Ang nauunawaan ba ninyo ngayon ay mas maraming katotohanan, o mas maraming doktrina? (Mas maraming doktrina.) Ano ang sanhi nito? (Ito ay resulta ng hindi paghahangad sa katotohanan.) (Ang kawalan ng pagsisikap na pagnilay-nilayan ang katotohanan.) Ito ay may kinalaman sa lahat ng bagay na ito, ngunit ang mga dahilang ibinigay ninyo ay pawang subhetibo. Mayroon ding obhetibong dahilan, na may kaugnayan sa kakayahan ng mga tao. Mahigit isang dekada nang nakapakinig ng mga sermon ang ibang mga tao, ngunit hindi nila makilala ang pagkakaiba ng katotohanan sa doktrina, ni hindi nila makilatis ang pagkakaiba ng pagsunod sa mga regulasyon at pagsasagawa ng katotohanan. Mataimtim silang nakikinig sa mga sermon at maingat na nagtatrabaho para gumawa ng mga pagkilatis, ngunit sadyang hindi nila makita ang pagkakaiba. Ang pakiramdam nila ay pare-parehong lahat ang mga pagbabahaginan na ginagawa ng bawat isa, ibig sabihin, ang lahat ng ito ay mahuhusay, at ang lahat ng ito ay napakapraktikal. Pagkatapos makinig sa mga ito, hindi nila masabi kung ano ang doktrina at kung ano ang katotohanan. Ito ba ay problema ng kakayahan? (Oo.) Makakaangat ba ang kakayahan ninyo sa antas ng katotohanang realidad? Tuwing ang mga pinuno at manggagawa ay nagbabahaginan sa mga pagtitipon o nakikisalamuha at nakikipag-ugnayan sa inyo sa ibang pagkakataon, masasabi ba ninyo kung gaano karami sa mga sinasabi nila ang katotohanang realidad at gaano karami ang doktrina? (Oo.) Kung masasabi ninyo ito, pinatutunayan nito na kaya ninyong kumilatis nang kaunti, at hindi kayo lubos na walang kakayahan sa pagkilatis. Kung masasabi ninyo ang pagkakaiba, pinatutunayan nito na kayo ay may kakayahan. Nahahati sa iba’t ibang antas ang kakayahan ng mga tao: mahina, katamtaman, mahusay, at napakahusay. Ito ang apat na mahahalagang antas. Ang mayroong mga mas malala pa sa mahinang antas ng kakayahan ay hindi nakakaunawa ng katotohanan; wala talaga silang anumang kakayahan. Hindi nila nauunawaan ang anumang naririnig nila at hindi sila kumikilos nang nag-iisip, may lohika, o may mga prinsipyo sa anumang ginagawa nila. Sa isip nila, ang lahat ng ito ay sala-salabat na gulo. Sila ay mga taong lito, ang mga tinatawag natin sa salitang kolokyal na malupit. Kung ang kakayahan nila ay lubhang mahina, sila ay walang kakayahang intelektuwal. Wala silang katwiran na tulad ng mga normal na tao. Ang mga ito ang mga taong maaari nating tawaging estupido, may pagkahibang, o hunghang.

Ang mga taong lubhang mahina ang kakayahan ay walang kakayahang intelektuwal—hindi na natin sila kailangan pang pag-usapan nang husto. Pag-usapan natin ang tungkol sa kung paano lumalabas ang mahinang kakayahan. Maraming taon nang nananalig sa Diyos ang ibang tao ngunit hindi pa rin nila nauunawaan ang katotohanan. Ni hindi nga nila magampanan ang pangunahing tungkulin ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, hindi sila makapagbahagi ng tungkol sa katotohanan, at hindi sila makapagbigay ng patotoo. Ang mga ito ay pagpapamalas ng mahinang kakayahan. Ano ang iba pang pagpapamalas ng mahinang kakayahan? Pagkatapos makapakinig sa mga sermon sa loob ng maraming taon, ang pakiramdam ng mga taong may mahinang kakayahan ay pare-parehong lahat ang mga ito—na ang lahat ng ito ay tungkol sa magkakaparehong bagay. Hindi nila malinaw na matukoy ang pagkakaiba ng mga detalye ng iba’t ibang katotohanan, lalong hindi ang masabi ang pagkakaiba ng katotohanan sa doktrina. Hindi nga sila makapagsalita ng mga pinakasimpleng salita at doktrina, lalong hindi ang maunawaan pa ang katotohanan. Ang gayong mga tao ba ang may pinakamalalang kakayahan sa lahat? Para sa gayong mga tao, kahit gaano pa sila kadalas na makinig sa mga sermon o kung ilang taon na silang nakikinig sa mga sermon, hindi nila naiintindihan ang mga ito, at hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan o kung ano ang ibig sabihin ng kilalanin ang sarili. Kahit gaano man katagal na silang nananalig sa Diyos o kung gaano man karaming sermon ang napakinggan nila, sa huli, hindi pa rin nila naisasagawa ang katotohanan. Nakakasunod lamang sila sa iilang regulasyon at naaalala ang ilang bagay na itinuturing nilang mahalaga—anomang iba pa, at hindi na nila ito matatandaan. Bakit ganito? Dahil mahina ang kakayahan nila, hindi nila kayang abutin ang katotohanan, at hindi nila kayang unawain ang napakaraming bagay. Ang pinakamagagawa nila ay kaya nilang maunawaan ang ilang mababaw na doktrina. Ito ang pinakamalayo na kaya nilang maabot. Ang mga ganitong tao ay madalas na may pagkamayabang at pinupuri ang kanilang mga sarili. Sasabihin ng ilang tao, “Nanalig ako sa Diyos noong ako ay nasa sinapupunan pa ng aking ina. Matagal na akong naging banal, at matagal na akong nabinyagan at nalinis.” Tinanggap ng ilan sa kanila ang bagong gawain ng Diyos sa loob ng tatlo, lima, o kahit na sampung taon pa, ngunit inuulit-ulit pa rin nila ang parehong bagay. Hindi ba’t tanda ito ng mahinang kakayahan? Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi ninyong hindi ko kilala ang sarili ko—kayo ang hindi nakakakilala sa mga sarili ninyo. Matagal na akong naging banal.” Ang mga taong nagsasabi ng ganito ay ang mga pinaka-walang espirituwal na pagkaunawa, sila ang mga may pinakamalalang kakayahan. Makakapagbahagi ka pa rin ba ng katotohanan sa gayong mga tao? Hindi. Gaano man karami ang sabihin mo, hindi nila mauunawaan kung ano ang katotohanan, kung ano ang pagsasagawa ng katotohanan, kung ano ang pagpapasakop sa Diyos, kung ano ang pagpasok sa buhay, at kung ano ang pagbago ng disposisyon ng isang tao. Hindi nila maunawaan ang mga bagay na ito o maabot ang antas na ito. Sa kanilang paniniwala sa Diyos, masigasig sila sa pagsunod sa ilang mga regulasyon, tulad ng paglayo sa mga makamundong gawain, pagtakwil sa mundo, hindi pakikitungo sa mga diyablo, hindi paggawa ng masama, paggawa ng mas kaunting kasalanan, pagkapit nang mahigpit sa pangalan ng Diyos, hindi pagtataksil sa Diyos, at pananalangin at pagsandig sa Diyos sa lahat ng bagay—ang mga ito lamang. Sila ay karaniwang nananatiling nakakulong sa mga pormalidad ng relihiyosong paniniwala. Pagkatapos nilang marinig ang napakaraming salita ng Diyos at mga sermon sa katotohanan, hindi nila nauunawaan ang naririnig nila. Habang nakikinig sila, lalo silang nalilito, kaya hindi nila pinakikinggan ang alinman sa mga ito. Kung tatanungin mo sila kung ano ang hinihingi ng Diyos sa mga tao sa ganitong yugto ng gawain, hindi nila masasabi sa iyo. Makakapagsabi lamang sila ng ilang simpleng bagay tungkol sa mga doktrina. Nangangahulugan ito na napakahina ng kanilang kakayahan at hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos.

Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may katamtamang kakayahan? Ang pangunahing pagpapamalas ay na wala silang kakayahang maunawaan ang mga salita ng Diyos. Pagkatapos nilang makinig ng mga sermon, ilang salita at doktrina lamang ang kanilang nauunawaan, ngunit hindi sila nakakatuklas ng anumang bagong liwanag. Kapag may mga nangyayari sa kanila, hindi pa rin nila kayang pangasiwaan ang mga ito, ni hindi sila nakakapagsagawa ng katotohanan. Nakakapagsalita lamang sila ng ilang walang katuturang doktrina at nakakasunod sa mga regulasyon. Kapag nakikinig sila sa mga sermon, tila nakakaunawa sila, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, sinusunod pa rin nila ang mga regulasyon at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban. At palagi nilang pinagagalitan ang iba sa pamamagitan ng pagsasalita at doktrina. Pagkatapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, nauunawaan nila ang maraming doktrina, at kapag sila ay nagbabahaginan kasama ang iba, nakakapagsalita sila nang mas kaunti pa tungkol sa kanilang kaalaman. Naipapahayag nila ang kanilang kahulugan sa isang kumpleto at konkretong paraan at maaaring magkaroon ng mga normal na pakikipag-usap sa mga tao. Gayunman, hindi pa rin nila nauunawaan kung ano ang katotohanan o ano ang realidad. Iniisip nila na ang mga doktrinang sinasabi nila ay ang katotohanang realidad, at hindi nila maunawaan ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa kanilang mga karanasan na kinapapalooban ng katotohanang realidad, ang kanilang sariling pagkaunawa, o mga landas ng pagsasagawa. Pakiramdam ng mga taong ito na mayroong katamtamang kakayahan ay na walang pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at doktrina. Kahit gaano karami pang sermon ang pakinggan nila, hindi nila kayang maunawaan ang mga katotohanan na dapat nilang isagawa at ang mga katotohanang dapat nilang taglayin para sila ay maligtas. Hindi rin nila alam kung paano uunawain ang kanilang mga sarili, at hindi nila alam kung anong mga katotohanan ang dapat nilang isagawa para iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa kanilang mga tunay na buhay, kaya lamang nilang sumunod sa mga regulasyon, sumunod sa mga relihiyosong ritwal, matiyagang dumalo sa mga pagtitipon, walang tigil na pangangaral ng mga doktrina sa iba, at matiyagang nagsisikap na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Gayunman, para sa mga katotohanang kinapapalooban ng mga pagbabago sa disposisyon, kaalaman sa sarili nilang tiwaling disposisyon, o pagpasok sa buhay, hindi sila pumapasok dito o pumupunta sa kaibuturan ng mga ito. Ito ang ibig sabihin ng pagtataglay ng katamtamang kakayahan. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay dito lamang sa antas na ito makakaabot. May mga taong nananalig na sa Diyos sa loob ng 20 o 30 taon at tanging mga doktrina pa rin ang pawang mga sinasabi. Nagkaroon ka na ba kahit minsan ng kaugnayan sa mga taong nananalig na sa Diyos nang higit pa sa isang dekada, ngunit ang ginagawa lang nila ay magsalita ng mga doktrina? (Oo.) Ang ganitong uri ng mga tao ay mayroong katamtamang kakayahan.

Ano ang mga pagpapamalas ng mga taong may mahusay na kakayahan? Kahit gaano katagal na silang nananalig sa Diyos, pagkatapos nilang makinig sa isang sermon, kaya nilang sabihing ito ay iba sa sinasabi ng Bibliya at na ito ay ganap na naiiba sa itinuturo sa relihiyon. Masasabi nilang ito ay mas malalim, mas detalyado, at lubos na praktikal. Samakatuwid, pagkatapos nilang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, nagsisimula silang tumutok sa pagsasagawa ng katotohanan at sa pagpasok sa realidad. Sa kanilang mga tunay na buhay, sinasanay nila ang kanilang mga sarili sa kung paano maisasagawa at mararanasan ang mga salita ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Diyos, “Dapat kayong maging mga tapat na tao.” Sa simula’t simula, sinusunod lamang ito ng mga taong iyon bilang isang regulasyon, at sinasabi nila kung anuman ang nasa kanilang isipan. Unti-unti, sa proseso ng pakikinig sa mga sermon at sa kanilang tunay na karanasan, patuloy nilang ibinubuod ang kanilang natutunan at, sa huli, nararanasan nila at nauunawaan kung ano ba talaga ang katotohanan ng pagiging isang tapat na tao at kung ano talaga ang buhay. Mayroon silang kakayahang gamitin ang mga salitang binigkas ng Diyos at ang mga katotohanang nauunawaan nila mula sa pakikinig sa mga sermon sa kanilang mga tunay na buhay at gawin itong sarili nilang realidad. Taglay ang tunay na karanasan, unti-unting lumalalim ang kanilang karanasan sa buhay. Kapag nakikinig sa mga sermon ang mga taong ito o nagbabasa ng mga salita ng Diyos, kaya nilang maunawaan ang katotohanang taglay ng mga ito. Ano ang ibig sabihin ng katotohanan dito? Hindi ito isang walang katuturang doktrina, hindi isang paraan ng pagsasalita, hindi isang teorya tungkol sa isang partikular na bagay. Sa halip, kinapapalooban ito ng mga paghihirap na naranasan sa tunay na buhay at ang iba’t ibang tiwaling kalagayan na inihahayag ng isang tao. Natutukoy ng mga taong may mahusay na kakayahan ang mga kalagayang ito at ginagamit ang mga ito para sa paghahambing sa kung ano ang sinasabi at inilalantad ng Diyos. Pagkatapos, malalaman nila kung paano magsasagawa alinsunod sa mga salita ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng mahusay na kakayahan. Saan pangunahing nasasalamin ang mahusay na kakayahan? Ang kakayahang maunawaan kung ano ang sinasabi sa mga sermon, maunawaan ang relasyon sa pagitan ng mga salitang ito at ang tunay na kalagayan ng isang tao, maunawaan kung ano ang magiging epekto ng mga salitang ito sa isang tao, at maiugnay ang mga salitang ito sa isang tao—ito ay mahusay na kakayahan. Bukod sa pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang mga salitang ito at maiugnay ang mga salitang ito sa kanilang mga sarili, nauunawaan din ng mga taong may mahusay na kakayahan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa sa tunay na buhay at nagagamit ang mga prinsipyong ito sa bawat paghihirap o sitwasyon na kinahaharap nila sa kanilang mga tunay na buhay. Ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng kabatiran. Tanging ang mga nagtataglay lamang ng gayong kabatiran ang tunay na nagtataglay ng mahusay na kakayahan.

Kapag inihahayag ng mga taong may katamtamang kakayahan ang ilan sa kanilang tiwaling disposisyon, hindi nila malinaw na nakikilatis ang sarili nilang kalagayan o ang diwa ng problema. Hinuhusgahan lamang nila ang mga ito sa pamamagitan ng pagtutugma ng mga ito sa mga doktrinang nauunawaan nila. Hindi nila nauunawaan ang diwa ng problema o napagtatanto ang ugat ng diwang ito at ang aspekto na kinapapalooban ng katotohanan. Kapag nahaharap sa ilang sitwasyon, pagkatapos mapungusan, pagkatapos itong himayin at suriin, nagkakamit sila ng malalim na impresyon at kaunting pagkaunawa ng mismong sitwasyon. Gayunpaman, kapag nahaharap sa ibang kalagayan o sitwasyon, muli nila itong hindi mauunawaan, hindi malalaman ang gagawin, at hindi makikita ang mga prinsipyong susundin. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng katamtamang kakayahan. Para naman sa mga mayroong mabuting kakayahan, bakit sinasabi nating mayroon silang mabuting kakayahan? Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, maaaring ang mga taong mayroong mabuting kakayahan ay hindi agad magkaroon ng landas ng pagsasagawa, ngunit makakakita sila ng isang landas sa pamamagitan ng pakikinig sa mga sermon o paghahanap sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos, malalaman nila kung paano haharapin ang sitwasyon. Malalaman ba nila kung ano ang gagawin nila sa susunod na maharap sila sa isang katulad na sitwasyon? (Oo.) Bakit ganoon? (Hindi lamang sila basta sumusunod sa mga patakaran. Mapagninilay-nilayan nila ang isang sitwasyon para makakita ng isang landas, at pagkatapos ay gagamitin ang natutunan nila sa mga katulad na sitwasyon.) Tama, natagpuan nila ang prinsipyo at nauunawaan nila ang aspektong ito ng katotohanan. Sa oras na maunawaan nila ang katotohanan, malalaman nila ang mga kalagayan, paghahayag, at tiwaling disposisyon ng mga tao na tinutukoy ng aspektong ito ng katotohanan, gayundin ang mga usapin, ang mga pangyayaring hinaharap nila sa kanilang mga buhay, at iba pa, na nakapaloob dito. Malinaw sa kanila ang mga prinsipyo ng paggawa sa gayong mga bagay, at kapag mahaharap sila sa mga katulad na bagay sa hinaharap, alam nila kung paano magsasagawa alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang ibig sabihin ng tunay na maunawaan ang katotohanan. Samakatuwid, dahil nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan, dahil mayroon silang kakayahan para maunawaan ang katotohanan, nagagawa nilang maging mga lider ng pangkat o lider ng iglesia. Gayunpaman, ang iba ay nakakaunawa lamang sa antas ng doktrina, kaya hindi sila maaaring maging mga lider ng pangkat dahil hindi nila nagagawang maarok ang mga prinsipyo o pangangasiwaan ang superbisyon. Ang paghiling sa iyo na maglingkod bilang lider ng isang pangkat ay paghiling sa iyo na gampanan ang pamumuno at pangangasiwaan ang superbisyon. Ano ang dapat mong gamitin para pangangasiwaan ang superbisyon? Hindi doktrina, mga slogan, kaalaman, o mga kuru-kuro. Ito ay paghiling sa iyo na gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para pangangasiwaan ang superbisyon. Ito ang pinakapangunahin at pinakamataas na prinsipyo na batayan ng anumang bagay na ginagawa sa sambahayan ng Diyos. Kung ang kakayahan mo ay katamtaman o mahina at hindi mo nauunawaan ang katotohanan, paano mo ang pangangasiwaan ang superbisyon? Paano mo papasanin ang responsabilidad na ito? Hindi mo kayang gampanan ang trabahong ito, ang tungkuling ito. Ang ilang tao ay pinili bilang mga lider ng pangkat, ngunit hindi nila nauunawaan ang katotohanan at wala talaga silang naisasakatuparang anuman. Hindi sila nararapat na tawaging mga lider ng pangkat at dapat silang palitan. Ang ilang tao ay pinili bilang mga lider ng pangkat at, dahil may nauunawaan silang bagay sa mga katotohanang prinsipyo, kaya nilang pangunahan ang gawain at lutasin ang ilang praktikal na problema. Ginagawa nitong kuwalipikado ang isang tao para sa gawain at angkop para maging isang lider ng pangkat. Hindi kayang akuin ng ilang tao ang gawain o maayos na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Ano ang pangunahing dahilan nito? Para sa minorya ng gayong mga tao, ito ay dahil sila ay mayroong mahinang katauhan. Para sa mayorya, gayunpaman, ang dahilan ay ang mababa nilang kakayahan. Ito ang sanhi kung bakit hindi nila nagagawa ang kanilang mga trabaho o nagagampanan ang kanilang mga tungkulin nang maayos. Pag-unawa man ito sa katotohanan o pag-aaral ng isang propesyon o natatanging kasanayan, nagagawa ng mga taong may mabuting kakayahan na maunawaan ang mga nakapaloob na prinsipyo upang malaman ang ugat ng mga bagay-bagay, at matukoy ang realidad at diwa ng mga ito. Sa ganitong paraan, sa lahat ng kanilang ginagawa, sa bawat trabahong pinagkakaabalahan nila, nagagawa nila ang mga tamang pagpapasya, at natutukoy ang mga wastong pamantayan at prinsipyo. Ganito ang mabuting kakayahan. Nagagawa ng mga taong may mabuting kakayahan na pangangasiwaang ang superbisyon sa iba’t ibang gawain sa sambahayan ng Diyos. Hindi magagawa ng mga may katamtaman o mahinang kakayahan ang gayong trabaho. Hindi ito sa anumang paraan isang kaso ng pagkiling ng sambahayan ng Diyos sa ilang tao o panghahamak sa ilang tao, o ibang pagtrato sa mga tao—ito ay dahil lamang sa hindi kayang pangasiwaan ng maraming tao ang suberbisyon dahil sa kanilang kakayahan. Bakit hindi nila kayang pangasiwaan ang superbisyon? Ano ang ugat na sanhi? Ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At bakit hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Ito ay dahil ang kakayahan nila ay katamtaman, o baka napakahina pa nga. Ito ang dahilan kung bakit hindi nila maabot ang katotohanan, at hindi nila nagagawang maunawaan ang katotohanan kapag naririnig nila ito. Maaaring hindi nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan dahil hindi sila nakikinig nang mabuti, o maaaring dahil sa sila ay bata pa at wala pang konsepto ng pananampalataya sa Diyos, at hindi sila masyadong interesado rito. Gayunman, hindi ang mga ito ang pangunahing dahilan. Ang pangunahing dahilan ay hindi sapat ang kakayahan nila. Para sa mga taong mahina ang kakayahan, kahit ano pa ang kanilang tungkulin, o gaano katagal na nilang ginagawa ang gawain, o gaano karaming sermon ang marinig nila o paano ka nagbabahagi sa kanila sa katotohanan, hindi pa rin nila maintindihan ito. Pinatatagal nila ang kanilang gawain, ginugulo lamang ang mga bagay-bagay, at walang nakakamit na kahit ano. Para sa ilang tao na naglilingkod bilang mga lider ng pangkat at humahawak ng nangangasiwa sa superbisyon ng ilan sa mga gawain, nang una nilang ginampanan ang responsabilidad para sa gawain, hindi nila naaarok ang mga prinsipyo. Pagkatapos ng ilang kabiguan, naunawaan nila ang katotohanan at naarok ang mga prinsipyo sa pamamagitan ng paghahanap at mga pagtatanong. Batay sa mga prinsipyong ito, nagagawa nilang pangangasiwaan ang superbisyon at nagagawa ang gawain nang sila lang. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng kakayahan. Para sa ibang tao, masasabi mo sa kanila ang lahat ng prinsipyo at mailalarawan pa nga ng detalyado kung paano isasagawa ang mga iyon, at tila mauunawaan nila ang sinasabi mo sa kanila, ngunit hindi pa rin nila naaarok ang mga prinsipyo kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay. Sa halip, nakadepende sila sa mga sarili nilang ideya at imahinasyon, naniniwala pa nga na ito ay tama. Gayunpaman, hindi nila masabi nang malinaw at hindi talaga nila alam kung ginagawa nila ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga prinsipyo. Kung magtatanong sa kanila ang Itaas, matataranta sila at hindi alam ang sasabihin. Nakakaramdam lang sila ng katiyakan kapag pinapangasiwaan ng Itaas ang superbisyon at nagbibigay ng gabay. Nagpapakita ito na napakahina ng kakayahan nila. Nang may ganoon kahinang kakayahan, hindi nila natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos o nagagawa ang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, lalong hindi ang gampanan ang mga tungkulin nila sa kasiya-siyang paraan.

Kani-kanina lang, binanggit Ko na mayroon pang isang mas mataas na antas sa mabuting kakayahan, at ito ay ang napakabuting kakayahan. Pagkaraang manalig sa Diyos ng mga taong may napakabuting kakayahan, binasa nila ang mga salita ng Diyos, at sa karanasan nila, dahan-dahan nilang dinaraanan, nararamdaman, at nauunawaan ang iba’t ibang kalagayan na binanggit sa mga salita ng Diyos. Kahit na napakaliit na pagtustos o tulong ang tinatanggap nila, matatagpuan nila ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, nagtatakda ng mga kinakailangan para sa mga sarili nila alinsunod sa mga prinsipyo, direksyon, at pamantayan gaya ng sinabi ng mga salita ng Diyos, at nakakaiwas sa mga paglihis at pagkabaluktot. Nauunawaan nila ang katotohanan, at nakikilala ang kanilang sarili at ang Diyos, sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom nila mismo ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakamataas na kakayahan, at tinataglay ng gayong mga tao ang pinakamataas na kabatiran. Sabihin mo sa Akin, mayroon bang gaya nito sa mga tao? Maaaring hindi kayo makakakita ng mga taong gaya nito ngayon, pero may naiisip ba kayong sinumang gaya nito sa Bibliya? (Oo, sina Job at Pedro.) Sina Job at Pedro ay kapwa ganito ang uri. Kabilang sila sa mga taong may pinakamataas na kakayahan. Kung hindi ibibilang ang kanilang pagkatao, karakter, at pananampalataya sa Diyos, batay sa kakayahan, sila ang dalawang tao na may pinakamataas na kakayahan. Ano ang basehan sa pagsasabi nito? (Hindi kailanman nagbasa ng mga salita ng Diyos si Job, gayunpaman ay nakilala niya ang Diyos, natatakot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.) Hindi kailanman kinausap ng Diyos si Job, saan nanggaling ang kanyang karanasan at kaalaman? May mga ginawang pagsisiyasat at pagtuklas si Job sa buhay niya, pagkatapos ay maingat na dinanas ang mga ito, na lumikha ng mga partikular na impresyon sa puso niya, at naghatid sa kanya ng kaunting kaliwanagan at pagtanglaw. Unti-unti niyang naintindihan ang mga katotohanan, at pagkatapos niyang maintindihan ang mga ito, isinagawa niya alinsunod sa kanyang pagkaintindi at sa kanyang pagkaunawa sa katotohanan, at dahan-dahang nagkaroon ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. “Ang pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan” ang dapat sundin at isagawa ng mga tao. Ito ang pinakamataas na paraan na dapat sundan ng mga tao. Sa mga mata ng mga susunod na henerasyon, tila napakadaling isinagawa ni Job ang kawikaang ito. Iniisip mong simple at madali ito dahil hindi mo alam o hindi mo naranasan ang praktikal na bahagi ng mga salitang ito. Paano nalaman ni Job ang kawikaang ito? Natamo niya ito sa pamamagitan ng sarili niyang praktikal na karanasan. Sa mata ng mga tao, ang mga salitang “matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan” ay dapat magsilbing isang kasabihan; dapat nilang sundin at isagawa ito bilang isang katotohanang prinsipyo—tama ito. Ngunit hindi itinuon ni Job ang pansin niya sa kung paano ito sasabihin; itinuon lamang niya ang pansin niya sa kung paano siya kikilos. Paano nakaabot si Job sa prinsipyo na isinagawa niya? (Sa pamamagitan ng kanyang karanasan sa pang-araw-araw na buhay.) Paano niya nagawang sundin ang prinsipyong ito sa mga kilos niya? (Sa pamamagitan ng mga karanasan niya sa buhay, nagkaroon siya ng kaalaman tungkol sa Diyos.) Nakita niya ang mga gawa ng Diyos at ang gawaing isinakatuparan ng Diyos sa mga tao sa normal na buhay niya. Sa pamamagitan ng mga karanasang ito, nagkaroon siya ng takot sa Diyos, tunay na pananampalataya sa Diyos, tunay na paghanga, at tunay na pagpapasakop at pagtitiwala. Ganito nabuo ang pagkatakot niya sa Diyos. Hindi siya ipinanganak na alam ang pagkatakot sa Diyos. Ang pagkatakot sa Diyos ang buod ng kanyang mga pagsasagawa at pag-uugali pagkatapos niyang manalig sa Diyos at sumunod sa Diyos nang maraming taon. Masasabi nating ito ang diwa ng kanyang pag-uugali, kaalaman, at mga prinsipyo ng pagkilos. Ang kanyang asal, kung ano ang inihayag niya, at kung paano siya kumilos sa harap ng Diyos, gayundin ang mga pinakamalalim niyang layunin at mga prinsipyo sa pagkilos—ang diwa ng lahat ng pagpapamalas na ito ay dahil may takot siya sa Diyos. Ganito siya inilarawan ng Diyos. Nagawa ni Job ang mga bagay na ito, ngunit hindi ito dahil maraming sinabi ang Diyos sa kanya o binigyan siya ng malaking bahagi ng katotohanan, na pagkatapos nito ay dahan-dahan niyang nakamit ang pagkatakot sa Diyos sa pamamagitan ng sarili niyang pagkaunawa. Sa kapanahunang iyon, walang sinabi ang Diyos sa kanya na anumang malinaw na salita. Ang pinakanakikita ni Job ay ang mga mensahero ng Diyos; at ang pinakanaririnig niya ay ang mga alamat o kuwento tungkol sa Diyos na naipasa mula sa mga ninuno niya. Ito lamang ang kaya niyang malaman. Gayunpaman, nakadepende lang sa impormasyong ito, dahan-dahang natutunan ni Job ang maraming bagay at maraming praktikal na bagay mula sa kanyang pamumuhay. Dahan-dahan, tumibay nang tumibay ang pananampalataya niya sa Diyos, at nagkaroon din siya ng tunay na pagkatakot sa Diyos. Pagkatapos na mabuo sa kanya ang dalawang bagay na ito, naging maliwanag ang tunay na tayog at ang tunay na kakayahan ni Job. Ano ang makikita natin kay Job? Makikita natin na marami ang katotohanan—mga katotohanang may kaugnayan sa mga layunin ng Diyos, pagkilala sa Diyos, mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at sa kaligtasan ng sangkatauhan—na tunay na unti-unting mauunawaan ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay, basta’t nagtataglay sila ng normal na pag-iisip at kakayahan ng tao. Si Job ang halimbawa nito. Nagawa niyang maunawaan ang ilang praktikal na bagay. Ano ang naunawaan niya? Ang pinakamataas niyang kasabihan, na napagtibay nang nakaranas siya ng mga pagsubok; ito rin ang kanyang pinakamataas na pagkaunawa. Ano ang kasabihang ito, ang pinakamataas na pagkaunawang ito? (“Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21).) Sa kasalukuyang lahi ng tao, pagdating sa isyung ito, mayroon bang sinuman na may parehong tunay na pagkaunawa gaya ni Job? Mayroon bang sinuman na maaabot ang pagkaunawa ni Job? (Wala.) Ang nauunawaan ng mga tao ngayon ay doktrina lamang. Ang mga salitang ito ay lumabas mula sa karanasan ni Job. Masasabi ng mga susunod na henerasyon ang mga salitang ito, ngunit sa puso nila ay wala silang pagkaunawa sa mga ito. Hindi rin taglay ni Job ang pagkaunawang ito sa umpisa, ngunit nagmula sa kanya ang mga salitang ito at lumabas mula sa kanyang sariling karanasan. Taglay ni Job ang realidad na ito. Kahit gaano pa inulit at tinularan si Job ng mga sumunod na henerasyon, ang nauunawaan lamang nila ay isang doktrina. Bakit sinasabi Ko na ito ay isa lamang doktrina? Una, ito ay dahil hindi ito maisagawa ng mga tao. Pangalawa, sadyang wala lang karanasan ang mga tao na mayroon si Job, at wala sila ng kaalamang nakamit mula sa mga karanasang ito, kaya hungkag ang kaalaman nila. Kahit gaano mo pa ito kadalas sabihin o gaano kalakas mo ito isigaw—“Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova. Bukal sa loob akong nagpapasakop sa lahat ng pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos”—kapag may mga nangyayari sa iyo sa buhay, kaya mo bang kilalanin sa puso mo na ito ay gawain ng Diyos? Kung nagkakait at nagwawasak ang Diyos, kaya mo pa rin bang purihin ang pangalan ng Diyos sa puso mo? Mahirap ito para sa iyo. Bakit napakahirap para sa iyo na gawin ito? Ito ay dahil hindi mo alam ang orihinal na layunin ng Diyos sa paggawa nito, at hindi mo rin kinikilala ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Hindi mo nauunawaan ang dalawang bagay na ito. Hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, ni hindi mo nauunawaan ang posisyon na dapat kalagyan ng isang nilikha, ang pagpapasakop na dapat taglayin ng isang nilikha, o ang mga pagkilos na dapat gawin ng isang nilikha. Hindi mo magagawa ang alinman sa mga ito. Kaya, kapag binibigkas mo ang mga salita ni Job, hindi halatang nagiging hungkag ang mga ito, walang iba pa kundi pampalamuti at sunod sa usong mga salita lamang. Samakatuwid, bagamat pareho kayo ni Job ng mga salitang binigkas, ang pagkaunawa at pagkaintindi ni Job sa mga salitang ito sa puso niya ay iba kaysa sa iyo at sinambit niya ang mga salitang ito sa ibang emosyonal na konteksto kaysa sa iyo. Ang mga ito ay dalawang lubos na magkaibang kalagayan ng pag-iisip. Hindi karaniwang sinasabi ni Job ang mga salitang ito. Sa halip, nang ipinagkait sa kanya ng Diyos ang lahat, isinubsob niya ang sarili niya sa lupa at pinuri ang mga gawa ng Diyos. Madalas mong ipinangangaral ang mga salitang ito, ngunit paano ka kikilos sa harap ng pagkakait ng Diyos? Magagawa mo bang lumuhod at manalangin? Hindi mo magagawang magpasakop. Bagamat sa panlabas ay sinasabi mo, “Dapat akong magpasakop. Ginawa ito ng Diyos, at tayong mga tao ay walang kakayahan at hindi tayo puwedeng lumaban, kaya hahayaan ko na lang na mangyari ang mga bagay-bagay,” ito ba ay tunay na pagpapasakop? Kung isasantabi natin ang kalikasan ng mga negatibo, mapaghimagsik, at lumalaban mong emosyon, mayroon bang anumang pagkakaiba sa iyong saloobin at ng kay Job? (Oo.) Mayroong malaking pagkakaiba. Ito ay ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkakaroon at hindi pagkakaroon ng katotohanang realidad. Ito ang maliwanag na pagkakaiba sa pagitan ng mga bagay na naranasan at naintindihan ng isang tao na nagiging likas na paghahayag ng buhay ng isang tao, at ang pagkaunawa lamang sa mga doktrina nang hindi nagtataglay ng realidad. Kapag hindi nahaharap sa anuman, ipangangaral ng mga tao ang mga salita ni Job, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, hindi nasasambit ng maraming tao ang mga salita ni Job. Ipinakikita nito na ang nauunawaan lamang nila ay mga doktrina. Hindi nila naging buhay ang mga salitang ito at hindi nito ginagabayan ang mga kaisipan at saloobin nila kapag may mga nangyayari sa kanila. Gayunpaman, kapag may mga bagay na nangyayari sa mga tao na nagtataglay ng mga salitang ito bilang buhay nila, maliwanag na makikita na ang mga salitang ito ay hindi lamang kasabihan na ipinangangaral nila sa pang-araw-araw na buhay, kundi ang tunay na saloobin din nila sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay. Lalong higit, ito ang tunay na saloobin nila sa Diyos. Ang mga salitang ito ang larawan ng buhay nila, hindi lamang ilang slogan na isinisigaw nila. Binibigyang-diin nito ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkaunawa sa katotohanan at hindi pagkaunawa sa katotohanan.

Ngayon ay tingnan natin si Pedro. Bakit sinasabi natin na si Pedro ay mayroong mabuting kakayahan? Ito ay dahil nauunawaan ni Pedro ang katotohanang ipinahayag ng Panginoong Jesus at nauunawaan ang mga salita ng Panginoong Jesus. Ang panahon kung kailan nabuhay si Pedro ay ang Kapanahunan ng Biyaya. Ang paraan ng pagtubos na itinuro ng Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya ay mas mataas kaysa sa Kapanahunan ng Kautusan. Kinapalooban ito ng ilang pangunahing katotohanan tungkol sa buhay pagpasok ng tao, at gayundin ng ilang panimulang katotohanan tungkol sa pagbabago ng disposisyon ng tao. Halimbawa, kinapalooban ito ng pagpapasakop sa Diyos, pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot ng Diyos, gayundin kung paano dapat tumugon ang mga tao kapag inilalantad nila ang ilan sa kanilang tiwaling disposisyon. Bagamat ang mga usaping ito ay hindi tinalakay sa isang malawak at sistematikong pamamaraan, nabanggit ang mga ito. Siyempre, higit na tinalakay ang mga ito kaysa noong panahon ni Job, ngunit mas kaunti kaysa ngayon. Bagamat walang mga nakatalang salita sa Bibliya tungkol sa gayong mga aspekto ng katotohanan bilang nagpapabago ng disposisyon ng tao, ng saloobin ng mga tao sa Diyos, ng diwa ng katiwalian sa kaibuturan ng puso ng mga tao, o ng pagpapahayag ng tiwaling disposisyon ng isang tao, tiyak na bahagyang nagsalita ang Panginoong Jesus tungkol sa mga bagay na ito. Hindi lang makaangat ang mga tao sa antas na ito, kaya ang mga salitang ito ay hindi naitala. Halimbawa, sinabi ito ng Panginoong Jesus kay Pedro: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo Akong makaitlo” (Mateo 26:34). Ang tugon ni Pedro ay: “Kahit na ako ay mamamatay na kasama Mo, ay hindi Kita ikakaila” (Mateo 26:35). Anong uri ng mga salita ito? (Ang mga ito ay mga salita ng kayabangan na nagpapakita ng kawalan ng pagkilala sa sarili.) Ang mga ito ay mga salita ng kayabangan ng isang tao na hindi nakakakilala sa sarili niya. Kaya may kinalaman ito sa pagkilala sa sarili. Ano ang napagtanto ni Pedro pagkatapos tumilaok ng manok? (Na nagsalita siya nang may pagyayabang sa sarili niya.) Nang mapagtanto niya ito, may naramdaman ba siyang anuman sa puso niya? (Mayroon.) Pagkatapos mangyari nito, ano ang una niyang reaksyon? (Pagsisisi, ang puso niya ay punong-puno ng pagkakonsensiya.) Ang unang reaksyon niya ay pagkakonsensiya at pagsisisi. Sinabi niya, “Ang sinabi ng Panginoon ay totoo. Ang sinabi ko tungkol sa pagmamahal sa Panginoon ay isa lamang kagustuhan, isang ideyal, at isang uri ng slogan. Hindi ako nagtataglay ng gayong tayog.” Nahaharap sa sitwasyong dulot ng pagkaaresto sa Panginoong Jesus, naduwag at natakot si Pedro. May nagtanong sa kanya, “Siya ba ang Panginoon ninyo? Hindi ba’t kilala mo Siya?” At ano ang iniisip ni Pedro noon? “Oo, kilala ko Siya, pero kung aaminin ko ito, aarestuhin din nila ako.” Dahil sa kanyang kaduwagan at takot sa pagdurusa, at dahil takot siyang maaresto kasama ng Panginoong Jesus, hindi niya inamin na kilala niya ang Panginoon. Ang pagiging mahiyain niya ay nagtagumpay laban sa kanyang pananampalataya. Ang pananampalataya ba niya ay tunay o huwad? (Huwad.) Sa oras na ito, napagtanto niya na nang sabihin niya noong una na “Panginoon, handa akong sumama sa Iyo, kahit sa bilangguan, at sa kamatayan,” ang mga salitang ito ay hindi maaaring maging totoo. Ang mga ito ay hindi ang tunay na pananampalataya niya, kundi mga salita, isang slogan, at doktrina na hungkag. Hindi siya nagtataglay ng totoong tayog. Kailan niya napagtanto na wala siyang totoong tayog? (Nang mahayag ang mga katunayan.) Noon lamang maharap siya sa mga katunayan at nang nakaramdam siya ng pagkakonsensiya at pagsisisi na napagtanto niya, “Gaya ng lumalabas, ang pananampalataya at tayog ko ay napakaliit, gaya ng sinabi ng Panginoon. Ang sinabi ng Panginoon ay tama. Ang sinabi ko sa Panginoon ay kayabangan lamang. Hindi iyan tunay na pananampalataya, kundi panandaliang simbuyo. Nang maharap ako sa isang bagay, naduwag ako, ayaw magdusa, may mga makasariling ideya, gumawa ng mga sarili kong desisyon, hindi nagpasakop, at walang puso na tunay na nagmahal sa Panginoon. Gayon ang liit ng pananampalataya ko, gayon ang sukat ng tayog ko.” Ang pagsisisi niya ang nagpalabas sa mga kaisipang ito sa kanya, hindi ba? Ang pagsisisi niya ay nagpapakita na mayroon na siyang pagkakilala sa sarili niya at ng wastong sukat ng kanyang tayog, kalagayan, at pananampalataya. Itinala lamang ng Bagong Tipan na tatlong ulit ikinaila ni Pedro ang Panginoon, ngunit hindi nito itinala ang patotoong batay sa karanasan ni Pedro tungkol sa kung paanong siya ay nagsisi, bumalik, at nagbago. Sa katunayan, sumulat si Pedro ng mga liham tungkol dito, ngunit hindi pinili ng mga patnugot ng Bibliya na isama ang mga ito. Ito ay isang malinaw na problema, na nagpapakita na ang mga lider ng iglesia noong panahong iyon ay nagbigay ng atensyon sa kung paano mangangaral at magpapatotoo, ngunit wala sa kanila ang nakaunawa sa karanasan sa buhay. Lahat sila ay nagtuon ng pansin sa kung paano nangaral at gumawa ang mga apostol, at kung paano sila nagdusa, na hindi nalalaman na ang pinakamahalagang bagay ay ang buhay pagpasok ng mga tao, gayundin ang pagkaunawa ng mga tao sa katotohanan at kaalaman sa Diyos. Itinala ng mga nagsaayos ng Bibliya ang nangyari kay Pedro sa labis na pinasimple at mga pangkalahatang termino, pero itinala nila ang mga kaganapan sa buhay ni Pablo sa partikular na detalye at dami. Ipinakikita nito na may kinikilingan ang mga taong ito. Hindi nila naunawaan ang katotohanan, ni ang ibig sabihin ng magpatotoo tungkol sa Diyos. Sinamba nila si Pablo, kaya pinili nila ang marami sa mga sulat ni Pablo, habang kaunti lamang sa mga sulat ni Pedro ang pinili nila. Sa pagsasaayos sa Bibliya sa ganitong paraan, gumawa sila ng isang pagkakamali ng prinsipyo, na nagbunsod sa mga nananalig sa Diyos na sambahin at tularan si Pablo sa loob ng dalawang libong taon. Dinala nito ang buong mundo ng relihiyon na tahakin ang landas ng paglaban sa Diyos, naging isang relihiyosong kaharian sa ilalim ng kontrol ng mga anticristo. Hindi nila pinansin ang napakahusay na patotoo ni Pedro, itinala lamang ang dalawa sa mga sulat ni Pedro—ang una at ikalawang sulat ni Pedro. Ngunit pagdating sa kung paano talaga naranasan ni Pedro ang nangyari sa kanya, kung paano siya binigyang-liwanag ng Diyos, kung ano ang sinabi ni Jesus nang magpakita Siya sa kanya, kung paano tinanggap ni Pedro ang paghatol, pagkastigo, pagpupungos, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos, kung paanong sa huli ay bukal sa loob niya na siya ay ipinako ng nakabaligtad, kung paano umabot sa puntong ito si Pedro, kung paano niya nakamit ang gayong pagbabago sa kanyang buhay disposisyon, at kung paano niya nakamit ang gayong pananampalataya at pagpapasakop—walang tala ng prosesong ito ng karanasan. Hindi talaga ganito ang dapat mangyari. Nakakalungkot na hindi naitala ang mga pinakamahalagang bagay na ito!

Mula sa tatlong ulit na pagkakaila ni Pedro sa Panginoon gaya ng nakatala sa apat na Ebanghelyo hanggang sa nakapabaligtad na pagpapako kay Pedro sa krus sa huli para sa Diyos, ano ang nakikita ng mga tao kapag pinagsama nila ang dalawang kaganapang ito? Nagbago si Pedro mula sa pagkakaila sa Panginoon ng tatlong ulit hanggang sa nakapabaligtad na pagpapako sa kanya sa krus sa huli para sa Diyos. Wala bang mahirap na proseso rito, isang proseso na karapat-dapat na saliksikin? Ano ang prosesong ito? (Ang proseso ng buhay pagpasok ng tao at pagbabago sa disposisyon.) Tama iyan, ang pagbabago sa disposisyon ng tao ay isang buhay paglalakbay ng pagkakaroon ng kakayahang talikuran at igugol ang sarili para sa Diyos at bukal sa loob na magpasakop sa lahat ng pamamatnugot ng Diyos. Ang buhay karanasan ay ang mismong prosesong ito. Ito ay tiyak na hindi isang drama. Mula sa pinakasimula nang nangahas si Pedro na huwag amining isa siyang tagasunod ng Panginoong Jesus, hanggang sa huli nang nagkaroon siya ng tapang at pananampalataya, handang maipako sa krus nang nakabaligtad para sa Diyos, at umangat sa antas na ito. Anong proseso ng transpormasyon ang dinaanan niya sa kanyang pananampalataya, sa kanyang disposisyon, at sa kanyang pagpapasakop! Tiyak na mayroong proseso ng paglago. Hindi kailangang malaman nang eksakto ng mga tao sa kasalukuyan kung anong uri ito ng proseso sa paglago dahil ang mga salitang sinambit ngayon ay ang mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga nakararanas ng gawain ng Diyos. Ngayon, ginawa nang malinaw ng Diyos ang mga bagay na ito sa mga tao at pinagkalooban sila ng mga katotohanang ito. Kaya ano ang naging karanasan ni Pedro? Pagkatapos umalis ng Panginoong Jesus, walang nagsabi sa kanya sa mga maliwanag na termino kung ano ang dapat niyang maranasan para makamit ang pagpapasakop sa Diyos. Sa kapanahunang iyon nang wala sa kanya ang mga malinaw na salita mula sa Diyos, nakamit niya sa huli ang isang tayog at pananampalataya nang bukal sa loob na pagpapasakop nang walang anumang reklamo o mga personal na pagpili. Sabihin mo sa Akin, anong mga katotohanan ang nakamit niya sa huli? At paano niya nakamit ang mga ito? Ito ay sa pamamagitan ng panalangin, paghahanap, at pagkatapos ay unti-unting pagdaranas at pag-aapuhap. Siyempre, sa panahong ito, tinanggap ni Pedro ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, at ang natatanging biyaya at gabay ng Diyos. Bukod sa mga bagay na ito, magkakamit lang siya ng pananaw sa pamamagitan ng mga sarili niyang pagsisikap. Sa prosesong ito, ang pagkakilala ni Pedro sa sarili niya, sa mga layunin ng Diyos, at sa lahat ng aspekto ng katotohanan na dapat pasukin ng mga tao ay unti-unting nagbago mula sa pagiging malabo tungo sa pagiging malinaw, pagkatapos ay tungo sa pagiging tumpak, at sa pagiging isang praktikal at tiyak na landas ng pagsasagawa. Ang prosesong ito ay umabot hanggang sa dulo, nang nagawa niyang lubusang magpasakop nang walang anumang paglihis. Nangahas siyang magsagawa sa ganitong paraan pagkatapos lamang niyang magtamo ng kumpirmasyon sa puso niya. Saan nanggaling ang kumpirmasyong ito? Sa pamamagitan ng pag-aapuhap at gayundin sa pamamagitan ng panalangin at paghahanap. Hinayaan niya na kumilos ang Banal na Espiritu at ang Diyos. Walang hadlang o disiplina. Taglay niya ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, kapayapaan, at kagalakan, at kasabay nito ay taglay din niya ang suporta, pagpapala, at gabay ng Diyos. Ganito niya natanggap ang kumpirmasyon. Pagkatapos niyang matanggap ang kumpirmasyon, matapang siyang nagpatuloy para maghanap, mag-apuhap, at magsagawa. Matapos siyang dumaan sa gayong kakomplikadong proseso, dahan-dahang nagkaroon si Pedro ng tiyak na pagkaunawa sa mga aspekto ng kalikasan ng tao, pagkakilala sa sarili, at disposisyon, gayundin ng iba’t ibang kalagayan na nalilikha ng tiwaling disposisyon ng tao sa iba’t ibang kapaligiran. Pagkatapos itong maarok, itinakda niyang gawin ang mga bagay na ito para hanapin ang mga katumbas na landas ng pagsasagawa. Sa huli, nilutas niya ang bawat isa sa mga kalagayan na nagresulta mula sa iba’t ibang tiwaling disposisyon sa iba’t ibang kapaligiran. Paano niya nilutas ang mga ito? Nilutas niya ang mga ito nang unti-unti sa pamamagitan ng paggamit sa mga katotohanan at prinsipyong binigyang-liwanag ng Diyos. Siyempre, nakaranas siya ng maraming pagsubok at pagpipino sa panahong ito. Hanggang saan siya sinubok at pinino ng Diyos? Sa huli, naarok niya ang mga layunin ng Diyos at naintindihan na gusto ng Diyos na matutunan ng mga tao ang aral ng pagpapasakop. Kaya ngayon, hanggang saan gumawa ang Diyos kay Pedro para mapagtanto nito na dapat isagawa ng mga tao ang pagpapasakop? Binanggit natin dati ang isang bagay na sinabi ni Pedro. Naaalala mo ba kung ano ito? (“Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako maghahanda at papayag?”) Tama, iyan nga. Sa proseso ng pagdaranas at pagpapasailalim sa gawain o gabay ng Diyos, hindi namalayan ni Pedro na nabuo sa kanya ang ganitong damdamin: “Hindi ba’t tinatrato ng Diyos ang mga tao na parang mga laruan?” Ngunit tiyak na hindi ito ang nag-uudyok sa mga pagkilos ng Diyos. Nakadepende ang mga tao sa kanilang perspektiba bilang tao, pag-iisip, at kaalaman para tantyahin ang usaping ito at ang pakiramdam na kaswal na pinaglalaruan ng Diyos ang mga tao na parang sila ay mga laruan. Isang araw ay sinasabi ng Diyos na gawin ito, at bukas ay sinasabi Niya sa kanila na gawin iyon. Hindi mo namamalayan ay nagsisimula ka nang makaramdam, “A, napakarami na ng sinabi ang Diyos. Ano pa ba ang sinusubukan Niyang gawin?” Naguguluhan ang mga tao at nakakaramdam ng kaunting kalituhan. Hindi nila alam kung ano ang pipiliin. Ginamit ng Diyos ang pamamaraan na ito para subukin si Pedro. Ano ang resulta ng pagsubok na ito? (Naisakatuparan ni Pedro ang pagpapasakop hanggang kamatayan.) Naisakatuparan niya ang pagpapasakop. Ito ang resulta na ginusto ng Diyos, at nakita ito ng Diyos. Ano ang mga salitang binigkas ni Pedro ang nagpapakita sa atin na nakapagpasakop siya at lumago sa tayog? Ano ang sinabi ni Pedro? Paano tinanggap at tiningnan ni Pedro ang lahat ng ginawa ng Diyos at ang saloobin ng Diyos sa pagtrato sa tao bilang isang laruan? Ano ang saloobin ni Pedro? (Sinabi niya: “Paanong hindi ako maghahanda at papayag?”) Oo, iyan ang saloobin ni Pedro. Iyon mismo ang mga salita niya. Hindi kailanman sasabihin ng mga taong walang karanasan sa mga pagsubok at pagpipino ng Diyos ang mga salitang ito dahil hindi nila nauunawaan ang naratibo ng kuwento rito at hindi nila ito kailanman naranasan. Dahil hindi nila ito naranasan, tiyak na hindi malinaw sa kanila ang usaping ito. Kung hindi malinaw sa kanila ang usaping ito, paano nila ito nasasabi nang napakakaswal? Ang mga salitang ito ay isang bagay na hindi kailanman maiisip ng isang tao. Nasabi ito ni Pedro dahil naranasan niya ang napakaraming pagsubok at pagpipino. Pinagkaitan siya ng Diyos ng napakaraming bagay, ngunit kasabay nito ay binigyan din siya ng maraming bagay. Pagkatapos ibigay ng Diyos, binawi Niya itong muli. Ginawa ng Diyos na matuto si Pedro na magpasakop matapos kunin ang mga bagay sa kanya at pagkatapos ay muli siyang binigyan. Sa pananaw ng tao, marami sa mga bagay na ginagawa ng Diyos ang tila kapritsoso, na nagbibigay sa mga tao ng ilusyon na tinatrato ng Diyos ang mga tao bilang mga laruan, hindi nirerespeto, at hindi tinatrato ang mga tao bilang mga tao. Iniisip ng mga tao na nabubuhay sila nang walang dignidad, gaya ng mga laruan; iniisip nila na hindi sila binibigyan ng Diyos ng karapatan na pumili nang malaya, at na maaaring sabihin ng Diyos ang nais Niyang sabihin. Kapag may ibinibigay Siya sa iyo, sinasabi Niya, “Nararapat sa iyo ang gantimpalang ito para sa ginawa mo. Ito ang pagpapala ng Diyos.” Kapag inaalis Niya ang mga bagay, mayroon lang Siyang ibang gustong sabihin. Sa prosesong ito, ano ang dapat gawin ng mga tao? Hindi mo dapat na husgahan ang pagiging tama o mali ng Diyos, hindi mo dapat na tukuyin ang kalikasan ng mga pagkilos ng Diyos, at tiyak na hindi mo dapat na bigyan ang buhay mo ng mas dakilang dignidad sa prosesong ito. Hindi ito ang pagpili na dapat mong gawin. Hindi para sa iyo ang papel na ito. Kaya ano ang papel mo? Sa pamamagitan ng karanasan, dapat mong matutunang unawain ang mga layunin ng Diyos. Kung hindi mo kayang unawain ang mga layunin ng Diyos at hindi mo kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ang tanging pagpipilian mo ay ang magpasakop. Sa gayong mga sitwasyon, magiging madali ba para sa iyo ang magpasakop? (Hindi.) Hindi madali ang magpasakop. Ito ay isang aral na dapat mong matutunan. Kung madali para sa iyo ang magpasakop, hindi mo kailangang matuto ng mga aral, hindi mo kailangang mapungusan, at sumailalim sa mga pagsubok at pagpipino. Dahil mahirap para sa iyo ang magpasakop sa Diyos kaya palagi ka Niyang sinusubok, sinasadyang paglaruan ka na para bang ikaw ay isang laruan. Sa araw na maging madali para sa iyo ang magpasakop sa Diyos, kapag ang pagpapasakop mo sa Diyos ay wala nang hirap o sagabal, kapag nakakapagpasakop ka na nang bukal sa kalooban at nang may galak, nang walang mga sariling pagpili, intensyon, o kagustuhan, hindi ka itatrato ng Diyos bilang isang laruan at gagawin mo ang eksaktong dapat mong gawin. Kung, isang araw, ay sasabihin mo, “Itinatrato ako ng Diyos bilang isang laruan at namumuhay ako nang walang dignidad. Hindi ako sumasang-ayon dito at hindi ako magpapasakop,” maaaring iyan ang araw kung kailan aabandonahin ka ng Diyos. Paano kung umabot ang tayog mo sa antas na kung saan ay sinasabi mo, “Bagamat ang mga layunin ng Diyos ay hindi madaling maarok at palaging nagtatago ang Diyos sa akin, ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama. Ano pa man ang ginagawa ng Diyos, bukal sa loob ko na magpasakop. Kahit na hindi ko kayang magpasakop, dapat ko pa ring taglayin ang saloobing ito at hindi ako dapat na magreklamo o gumawa ng sariling pagpili. Ito ay dahil isa akong nilikha. Ang tungkulin ko ay magpasakop, at ito ay isang malinaw na obligasyon na hindi ko matatakasan. Ang Diyos ang Lumikha, at anuman ang ginagawa ng Diyos ay tama. Hindi ko dapat pansinin ang kahit anong kuru-kuro o imahinasyon tungkol sa ginagawa ng Diyos. Hindi ito nararapat para sa isang nilikha. Para sa anumang ibinigay sa akin ng Diyos, nagpapasalamat ako sa Diyos. Para sa anumang hindi ibinigay sa akin ng Diyos o ibinigay sa akin at pagkatapos ay binawi, nagpapasalamat rin ako sa Diyos. Ang lahat ng pagkilos ng Diyos ay kapaki-pakinabang sa akin; hindi ko man nakikita ang pakinabang, ang bagay na dapat kong gawin ay magpasakop pa rin”? Hindi ba’t ang epekto ng mga salitang ito ay tulad ng kay Pedro nang sabihin niya, “Paanong hindi ako maghahanda at papayag?” Ang mga nagtataglay lang ng gayong tayog ang tunay na nakakaunawa sa katotohanan.

Kasunod, magbahaginan tayo sa kakayahan ng mga tao. Kapag sinusukat kung ang isang tao ay nagtataglay ng kakayahan o hindi, tingnan kung nagagawa niyang maarok ang mga layunin at saloobin ng Diyos kapag may mga nangyayari sa kanya sa pang-araw-araw na buhay, gayundin ang posisyong dapat niyang gawin at ang mga prinsipyong dapat niyang sundin, at ang saloobing dapat niyang taglayin. Kung nagagawa mong maintindihan ang lahat ng bagay na ito, kung gayon ay may kakayahan ka. Kung ang naaarok mo ay walang anumang kinalaman sa lahat ng pinapatnugot ng Diyos para sa iyo sa tunay mong buhay, kung gayon maaaring wala kang kakayahan o mahina ang iyong kakayahan. Paano nabuo ang tunay na tayog nina Pedro at Job, at paano nila natamo sa huli kung ano ang kanilang natamo at inani kung ano ang kanilang naani mula sa kanilang pananampalataya sa Diyos? Wala silang anumang tinatamasa sa mga tinatamasa ninyo ngayon. Palagi kayong may taong nakakabahaginan sa katotohanan, nagkakaloob para sa inyo, sumusuporta sa inyo, at tumutulong sa inyo. Palaging mayroong isang taong tutulong sa inyong siyasatin ang mga bagay-bagay. Wala silang ganito. Karamihan sa mga naunawaan nilang katotohanan ay natamo mula sa kung anong napagtanto nila, kung anong naranasan nila, kung ano ang unti-unting naisip nila at napagdaanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ito ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng mataas na kakayahan. Kung hindi nagtataglay ang mga tao ng gayong kakayahan at wala sila ng ganitong uri ng saloobin sa katotohanan at kaligtasan, hindi nila hahanapin ang katotohanan ni magiging masigasig sa pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay. Dahil dito, hindi nila nagawang makamit ang katotohanan. Pagkatapos marinig ang mga kuwento nina Job at Pedro, karamihan ng mga tao ay kinaiinggitan sila. Gayunpaman, pagkatapos silang kainggitan ng mga tao ng ilang panahon, hindi siniseryoso ng mga ito ang usapin. Ang pakiramdam nila ay kaya rin nilang sabihin ang mga klasikong salita ni Job at Pedro kapag may mga nangyayari sa kanila, kaya iniisip nilang simple lang ang mga bagay na ito. Sa ating pagsasaalang-alang sa mga ito ngayon, hindi simple ang mga bagay na ito.

Sa Bagong Tipan, bukod sa apat na Ebanghelyo, ang mga liham ni Pablo ang umookupa ng pinakamalaking espasyo. Sa kaparehong panahon, marahil ay parehong gawain ang ginawa nina Pablo at Pedro, ngunit lalong mas dakila ang reputasyon ni Pablo kaysa kay Pedro. Ano ang makikita natin sa dalawang sitwasyong ito? Makikita natin ang landas na tinahak ng dalawang lalaking ito. Maraming linya mula sa mga liham ni Pablo ang ginamit bilang mga salawikain ng mga sumunod na henerasyon, at ginamit ng lahat ng tao ang mga kilalang kasabihan ni Pablo para udyukan ang kanilang sarili. Dahil dito, nauwi silang lahat sa maling landas, at marami ang napunta pa nga sa landas ng mga anticristo. Sa kabaligtaran, bihirang magpakita si Pedro sa publiko. Sa pangkalahatan, wala siyang isinulat na mga aklat, hindi siya nagpanukala ng malalalim at matatalinghagang doktrina, at hindi siya nagbigay ng mga mabulaklak na slogan o mga teorya para turuan at tulungan ang mga kapatid sa panahong iyon, ni hindi siya nagbigay ng mga matatayog na teorya para impluwensiyahan ang mga henerasyon sa hinaharap. Hinangad lang niya na mahalin at palugurin ang Diyos sa isang praktikal at matatag na pamamaraan. Ito ang pagkakaiba sa mga landas na tinahak nilang dalawa. Sa huli, tinahak ni Pablo ang landas ng mga anticristo at napahamak, habang tinahak ni Pedro ang landas ng paghahangad sa katotohanan at pagmamahal sa Diyos at nagawa siyang perpekto. Sa pagsasaalang-alang sa mga landas na tinahak nila, makikita mo kung anong uri ng mga tao ang nais ng Diyos, anong uri ng mga tao ang ayaw ng Diyos, ang mga paghahayag at pagpapamalas ng mga tao na inaayawan ng Diyos, anong uri ng landas ang tinatahak ng mga taong ito, anong uri ng relasyon ang mayroon sila sa Diyos, at sa anong mga bagay sila masigasig. Masasabi ba ninyong may kakayahan si Pablo? Sa anong klase nabibilang ang kakayahan ni Pablo? (Ito ay napakabuti.) Nakapakinig na kayo ng napakaraming sermon ngunit hindi pa rin kayo nakakaunawa. Maituturing bang napakabuti ng kakayahan ni Pablo? (Hindi, ito ay mahina.) Bakit mahina ang kakayahan ni Pablo? (Hindi niya kilala ang kanyang sarili at hindi niya nauunawaan ang mga salita ng Diyos.) Ito ay dahil hindi niya nauunawaan ang katotohanan. Narinig din niya ang mga sermon ng Panginoong Jesus, at sa panahong gumawa siya ay naroon din, siyempre, ang gawain ng Banal na Espiritu. Kaya paano nangyari na, nang matapos niya ang lahat ng gawaing iyan, naisulat ang lahat ng liham na iyon, at naglakbay sa lahat ng iglesiang iyon, wala pa rin siyang naunawaan sa katotohanan at walang ibang ipinangaral kundi doktrina? Anong uri ng kakayahan iyan? Isang mahinang kakayahan Bukod pa riyan, inusig ni Pablo ang Panginoong Jesus at inaresto ang Kanyang mga alagad, pagkatapos nito siya ay pinatamaan ng Panginoong Jesus ng isang dakilang liwanag mula sa langit. Paano hinarap at inunawa ni Pablo ang dakilang kaganapang ito na nangyari sa kanya? Ang paraan ng pagkaunawa niya ay naiiba kay Pedro. Inisip niya, “Sinaktan ako ng Panginoong Jesus, nagkasala ako, kaya dapat lalo pa akong magsikap para makabawi ako, at sa oras na mabalanse ng mga merito ko ang mga demerito ko, magagantimpalaan ako.” Kilala ba niya ang sarili niya? Hindi. Hindi niya sinabi, “Sinalungat ko ang Panginoong Jesus dahil sa aking malisyosong kalikasan, ang aking kalikasan ng isang anticristo. Sinalungat ko ang Panginoong Jesus—walang mabuti sa akin!” Taglay ba niya ang gayong kaalaman tungkol sa sarili niya? (Hindi.) At paano niya itinala ang kaganapang ito sa mga liham niya? Ano ang pananaw niya tungkol dito? (Pakiramdam niya ay tinawag siya ng Diyos para sa gawain.) Naniwala siya na tinawag siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapasinag ng isang dakilang liwanag sa kanya, at na magsisimula ang Diyos na gamitin siya nang lubos. Walang kahit katiting na kaalaman tungkol sa sarili niya, naniwala siya na ito ang pinakamakapangyarihang patunay na siya ay gagantimpalaan at kokoronahan, gayundin ang pinakamalaking kapital na magagamit niya para magkamit ng mga gantimpala at ng isang korona. Bukod dito, sa kaibuturan ng puso niya, naramdaman niya ang pagtusok ng isang tinik. Ano ang tinik na ito? Ito ay isang sakit na ibinigay sa kanya ng Diyos bilang parusa para sa kanyang matinding paglaban sa Panginoong Jesus. Paano niya hinarap ang usaping ito? Dati na siyang may karamdaman sa puso niya at inisip niya, “Ito ang pinakamalaking pagkakamali sa buhay ko. Hindi ko alam kung mapapatawad ito ng Diyos. Buti na lang, iniligtas ng Panginoong Jesus ang buhay ko at ipinagkatiwala sa akin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ito ay magandang pagkakataon para matubos ko ang aking sarili. Dapat kong palaganapin ang ebanghelyo nang buong kalakasan ko, at baka hindi lang basta mapapatawad ang mga kasalanan ko, ngunit makakatanggap din ako ng isang korona at mga gantimpala. Iyan ay magiging kahanga-hanga!” Gayunpaman, hindi niya kailanman maaalis ang tinik na ito, na nagdulot ng pagkabalisa sa puso niya. Palagi siyang hindi mapalagay tungkol dito. “Paano ako makakabawi sa napakalaking pagkakamaling ito? Paano ko ito mabubura, para hindi ito makaapekto sa mga inaasam ko o sa korona na inaasahan kong matanggap? Dapat dagdagan ko pa ang mga gawain ko para sa Panginoon, magbayad ng mas malaking halaga, magsulat ng mas maraming liham, at gumugol ng mas maraming oras sa pag-iikot, pakikipaglaban kay Satanas, at pagbibigay ng magandang patotoo.” Ganyan niya ito hinarap. Mayroon ba siyang anumang pagsisisi? (Wala.) Wala siyang kahit katiting na pagsisisi, lalong wala siya ng kahit anumang kaalaman tungkol sa sarili niya. Wala siya ng kahit alin sa mga bagay na ito. Nagpapakita ito na mayroong problema sa kakayahan ni Pablo at na wala siya ng kakayahang maunawaan ang katotohanan. Ito ay bahagyang dahil sa kanyang pagkatao at sa kanyang hinangad, at bahagyang dahil sa kanyang kakayahan, hindi niya maarok ang mga bagay na ito, ni hindi niya napagtanto, “Labis-labis na ginawang tiwali ni Satanas ang tao. Ang kalikasan ng tao ay masyado nang bulok, labis na buktot. Ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas at ng mga anticristo. Ito ang ugat ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan. Kailangan ng tao ang pagtubos ng Diyos. Kaya paano dapat lumapit ang tao sa harap ng Diyos para tanggapin ang Kanyang pagtubos?” Kailanman ay hindi niya sinabi ang gayong mga bagay. Hindi niya talaga naunawaan kung bakit niya nilabanan at kinondena si Jesus. Bagamat inamin niya na siya ang pangunahing salarin, hindi niya talaga pinagnilay-nilayan ang usapin. Nagmuni-muni lang siya kung paano niya mabubura ang gayong mga seryosong kasalanan, kung paano siya makakapagbayad sa kanyang mga kasalanan, makakabawi sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng mga gawang may merito, at sa wakas ay makakamtam pa rin ang korona at mga gantimpalang inasahan niya. Anuman ang nangyari sa kanya, hindi niya maunawaan ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos mula sa mga bagay na nangyari sa kanya. Hindi niya talaga naunawaan ang mga layunin ng Diyos. Pagdating sa pag-unawa sa katotohanan, si Pablo ang pinakamalalang tao, kaya masasabi nating ang kakayahan ni Pablo ay ang pinakamalala.

Mauunawaan ba ng mga taong may napakahinang kakayahan ang katotohanan? (Hindi.) Maliligtas ba ang mga taong hindi nakakaunawa sa katotohanan? (Hindi.) Ang mga taong gustong maligtas ay dapat na kasiya-siya ang kakayahan. Dapat kahit paano ay katamtaman ang kakayahan nila, at hindi maaaring napakahina nila sa kakayahan. Dapat magkamit sila ng pagkaunawa sa katotohanan. Gaano man ang kayang maabot ng pagkaunawa nila sa katotohanan, dapat kahit paano ay makilala nila ang kanilang sarili batay sa pagkaunawa nila sa katotohanan at malaman kung paano isasagawa ang katotohanan. Sa ganitong paraan ay maaari silang maligtas. Bakit ko sinasabi na sa ganitong paraan ay maaari silang maligtas? Kapag naiuugnay mo sa katotohanan ang mga bagay na dumarating sa pang-araw-araw na buhay mo at nakikita at naitatrato mo ang mga bagay batay sa mga salita ng Diyos, madadala mo ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay mo, at, sa pundasyong ito, magagawa mong tanggapin ang mga paghatol ng mga salita ng Diyos, na mapungusan ng Kanyang mga salita, at ang mga pagsubok at pagpipino sa Kanyang mga salita. Kung hindi gayon, kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ni hindi ka magiging kuwalipikadong tanggapin ang mga hatol, pagsubok, at pagpipino ng Kanyang mga salita. Bago mo tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, dapat kahit papaano ay maunawaan mo ang ilang katotohanan, magkaroon ka ng saloobin ng pagpapasakop sa Diyos, at nagbago sa ilang paraan. Dapat mo ring malaman kung sa anong saloobin, mentalidad, at perspektiba mo dapat na harapin ang mga pagkilos ng Diyos. Ang lahat ng ito ay kinapapalooban ng katotohanan. Hindi ito ang kaso na ang paggamit ng mga simpleng relihiyosong slogan, relihiyosong seremonya, at mga patakaran para kaswal na harapin ang mga bagay na ito ay may kaugnayan sa katotohanan, hindi rin ito ang kaso na ang simpleng paggawa ng mabuti ay kinapapalooban ng pagsasagawa ng katotohanan. Hindi ito ganoon kasimple. Kaugnay sa nalalaman mo, sa nararanasan mo, at sa mga nangyayari sa paligid mo, dapat malaman mo sa puso mo ang mga prinsipyong dapat mong sundin. Tanging sa ganitong paraan ka lang sangkot sa katotohanan. Bukod dito, ang paraan ng pagtrato mo sa mga bagay na ipinagagawa ng Diyos sa iyo, ang paraan ng pagtrato mo sa pamamaraan at saloobin ng pagtrato ng Diyos sa iyo, gayundin ang saloobin at perspektiba na ginagamit mo, ay dapat na kinapapalooban ng katotohanan. Tanging sa ganitong paraan ka lang magkakaroon ng buhay pagpasok. Kung hindi gayon, hindi makakagawa ng anumang gawain ang Diyos sa iyo. Nauunawaan ba ninyo? (Nauunawaan namin.) Tingnan ninyo ang mga tao sa mga relihiyon na sumusunod sa mga patakaran, nagsasalita tungkol sa mga doktrina, at nagpapanggap na mabuti. Ang mga kilos nila ay mukhang mabuti sa panlabas, ngunit bakit hindi kailanman gumagawa ang Diyos sa kanila? Ito ay dahil ang mga bagay na ginagawa nila at ang lahat ng mabuting gawa nila ay hindi kinapapalooban ng katotohanan. Nagbago lamang sila ng pag-uugali nila, ngunit hindi ito kinapalooban ng pagbabago sa disposisyon nila. Ito ay dahil hindi sila nakaabot sa mga hinihingi at pamantayan ng Diyos. Ito ay kagaya ng isang bata na nakapagtapos pa lang sa elementarya na nais dumiretso sa unibersidad. Posible ba ito? Ito ay ganap na imposible dahil hindi siya kuwalipikado. Samakatuwid, tungkol man sa landas na tinatahak ng mga tao ang ating pinag-uusapan o sa kanilang pagkatao at kakayahan, dapat kahit paano ay matugunan ng mga tao ang mga kondisyon na kinakailangan para sa kaligtasan. Partikular, dapat nilang maunawaan ang katotohanan, iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at magawang tunay na magpasakop sa Diyos.

Paano natin sinusukat ang kakayahan ng mga tao? Ang angkop na paraan para gawin ito ay sa pamamagitan ng pagtingin sa saloobin nila sa katotohanan at kung kaya nilang maunawaan ang katotohanan o hindi. Kaya ng ilang tao na napakabilis na matuto ng ilang kasanayan, ngunit kapag naririnig nila ang katotohanan ay naguguluhan sila at inaantok sila. Sa puso nila, nalilito sila, walang pumapasok sa naririnig nila, at hindi rin nila nauunawaan ang naririnig nila—iyan ang mahinang kakayahan. Sa ilang tao, kapag sinabi mong mahina ang kakayahan nila, hindi sila sumasang-ayon. Iniisip nila na ang pagiging mataas ang pinag-aralan at marunong ay nangangahulugang mabuti ang kakayahan nila. Ang isang mabuting edukasyon ba ay nagpapakita ng mataas na kakayahan? Hindi. Paano dapat sukatin ang kakayahan ng mga tao? Dapat itong sukatin batay sa antas ng pagkaarok nila sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Ito ang pinakawastong paraan ng paggawa nito. Ang ilang tao ay magaling magsalita, mabilis mag-isip, at bihasang-bihasa mangasiwa ng ibang tao—ngunit kapag nakikinig sila sa mga sermon, hindi nila kailanman nagagawang maintindihan ang kahit na ano, at kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, hindi nila nauunawaan ang mga ito. Kapag nagsasalita sila tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan, palagi silang bumibigkas ng mga salita at doktrina, ibinubunyag ang mga sarili nila bilang mga baguhan lamang, at ipinapadama sa iba na wala silang espirituwal na pang-unawa. Ang mga ito ay mga taong may mahinang kakayahan. Kaya, may kakayahan ba ang mga ganitong tao na gumawa ng gawain para sa sambahayan ng Diyos? (Wala.) Bakit? (Wala silang mga katotohanang prinsipyo.) Tama, ito ay isang bagay na dapat nauunawaan na ninyo ngayon. Ang isa pang paraan para sabihin na paggawa ng gawain para sa sambahayan ng Diyos ay ang pagtupad ng isang tao sa kanyang tungkulin. Pagdating sa pagtupad sa tungkulin ng isang tao, napapaloob dito ang katotohanan, ang gawain ng Diyos, ang mga prinsipyo ng pag-asal, at ang mga pamamaraan ng pagtrato sa lahat ng uri ng tao. Ang mga isyung ito ay may kinalaman lahat sa kung magagampanan ba o hindi ng mga tao ang mga tungkulin nila sa isang epektibo at kasiya-siyang pamamaraan. Ang mga isyung ito ba na may kaugnayan sa pagganap sa tungkulin ng isang tao ay may kinalaman sa katotohanan? Kung may kinalaman ang mga ito sa katotohanan, ngunit hindi mo nauunawaan ang katotohanan at sumasandig ka lang sa iyong kaunting katalinuhan, magagawa mo bang lutasin ang mga problema at gampanan nang maayos ang tungkulin mo? (Hindi.) Hindi. Kahit pa walang maging mali sa ilang usapin, maaaring ang mga bagay na iyon ay walang kinalaman sa katotohanan, at pawang mga panlabas na bagay lamang. Gayunman, dapat taglay mo pa rin ang mga prinsipyo kapag gumagawa ka ng mga panlabas na bagay, at dapat mong pangasiwaan ang mga ito sa isang paraan na itinuturing ng lahat bilang angkop. Ipagpalagay nang hiningi sa iyo na pangasiwaan mo ang isang bagay alinsunod sa mga prinsipyo nang ikaw lang, at habang ginagawa mo ito ay lumitaw ang isang hindi inaasahang sitwasyon, at hindi mo alam kung paano pangangasiwaan ito. Iniisip mo na dapat kang magpatuloy ayon sa karanasan mo, ngunit ang pagkilos mo nang eksaktong ayon sa itinuro sa iyo ng karanasan ay nakakagambala at nakakagulo lang sa bagay na ginagawa mo, sinisira ang lahat. Hindi ba’t isa itong pagkakamali? Ano ang sanhi nito? Ito ay dahil wala kang dalisay na pagkaunawa, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at hindi mo naiintindihan ang mga prinsipyo. Sa tuwing nahaharap ka sa mga usapin na may kinalaman sa katotohanan at mga prinsipyo, hindi mo nagagawang harapin ang mga ito, at nangingibabaw ang sarili mong kalooban. Bilang resulta, napipinsala mo ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at ipinapahiya mo ang sarili mo. Epektibo ba na harapin ang mga problema batay sa karanasan at mga pamamaraan ng tao? (Hindi.) Bakit hindi ito epektibo? Ito ay dahil ang karanasan at mga pamamaraan ng tao ay hindi ang katotohanan, at ang mga ito ay hindi tatanggapin ng mga hinirang na tao ng Diyos. Kung palagi mong pangangasiwaan ang mga problema gamit ang karanasan at mga pamamaraan ng tao, hindi ba’t ang ibig sabihin lang niyon ay iniisip mong mas matalino ka kaysa sa kung ano ka talaga? Hindi ba’t iyan ay kayabangan at pagmamagaling? Nakikipagtalo pa nga ang iba, “Hindi naman sa hindi ko nauunawaan ang katotohanan tungkol sa usaping ito—nauunawaan ko ito sa puso ko. Hindi ko lang ito iniisip nang lubos. Kung dadagdagan ko ang pagsisikap ko at mas maingat kong pag-iisipan ang usapin, maayos ko itong mapangangasiwaan. Noon, kapag nakikipag-ugnayan at nangangasiwa ako ng mga bagay-bagay kasama ang mga walang pankanampalataya, kinakailangan kong gumamit ng ilang pamamaraan at diskarte. Gayunman, hindi pinapayagan ng sambahayan ng Diyos ang ganitong mga paraan, kaya hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin. Hinarap ko lang ang usapin sa sarili kong paraan, kaya hindi kataka-taka na may nagawa akong maliit na pagkakamali.” Kilala ba ng mga taong ito ang sarili nila? (Hindi.) Bakit hindi nila kilala ang sarili nila? Hindi ba’t may kinalaman ito sa katotohanan? Hindi nila hinahanap ang katotohanan sa usaping ito, kundi nag-iisip sila ng mga paraan para pagtakpan ang pagkakamali nila. Iniisip nila na nakagawa lang sila ng isang pagkakamali at naging pabaya lang sila sa kanilang pag-uugali. Hindi nila iniisip na ang kamalian nila ay may kinalaman sa katotohanan, o na ito ay lumitaw dahil sa kawalan nila ng pagkaunawa sa katotohanan at dahil sa katunayan na sila ay kumikilos batay sa mga tiwaling disposisyon nila. Ito ang ibig sabihin ng maging mahina ang kakayahan. Kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, palaging naghahanap ang mga taong ito ng mga dahilan at palusot. Iniisip nila na nakagawa lang sila ng isang pagkakamali. Sa unang reaksyon nila, hindi nila alam na dapat nilang hanapin ang katotohanan. Sa pangalawang reaksyon nila, hindi pa rin nila alam na dapat nilang hanapin ang katotohanan. At sa pangatlong reaksyon nila, hindi pa rin nila alam na kailangan nilang hanapin ang katotohanan at kilalanin ang sarili nila. Ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng napakahinang kakayahan. Kahit gaano mo sila gabayan, kahit gaano mo sila ilantad at kahit gaano ka makipagbahaginan sa kanila, hindi pa rin nila mapapagtanto kung anong mga katotohanang prinsipyo ang nilabag nila at kung anong mga katotohanan ang dapat nilang isagawa. Kahit gaano mo sila gabayan, hindi sila kailanman magkakaroon ng kamalayan sa mga bagay na ito. Kahit ang pinakamaliit na kakayahang maunawaan ang katotohanan ay wala sila. Ito ang ibig sabihin ng maging mahina ang kakayahan. Kahit gaano kalinaw ka pang magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi nila mapapagtanto na ito ang katotohanan. Gagamitin nila ang mga sarili nilang dahilan at palusot, o sasabihin nilang ito ay isa lang pagkakamali o isang kamalian, upang mapagtakpan ang mga katunayan. Hindi nila aaminin kahit bahagya na nilabag nila ang katotohanan o na ipinakita nila ang mga tiwaling disposisyon nila. Kahit ano pa ang mga pagkakamaling ginawa nila, kahit ano pang mga tiwaling disposisyon ang ipinakita nila, o kahit gaano pa karaming tiwaling kalagayan ang nabuo nila, hindi nila mapapagtanto kahit kailan kung ano ba talaga ang mga tiwaling disposisyon na ipinakita nila, lalo na kung ano ang tiwaling diwa nila. Hindi rin nila alam kung paano hahanapin ang katotohanan o paano kikilalanin ang sarili nila sa usaping ito. Wala silang alam sa mga bagay na ito. Manhid ang kanilang espiritu at wala silang kahit katiting na pakiramdam sa mga bagay na ito. Ito ay pagpapamalas ng mahinang kakayahan.

Gumamit tayo ng ilang halimbawa upang magbahaginan nang kaunti tungkol sa kung paano susukatin ang kakayahan ng isang tao. Halimbawa, sinabi Ko na ang ilang tao ay nagpapaliban at pabasta-bastang ginagawa ang mga bagay-bagay. Pagkarinig nito, agad na mapagtatanto ng mga taong may mabuting kakayahan na ang kalagayang ito ay isang bagay na nararanasan din nila, at na madalas nilang nararanasan ang gayong kalagayan at saloobin kapag hindi maayos ang pakiramdam ng kanilang katawan o kapag sila ay negatibo at tinatamad. Dagdag pa rito, papasok sa isipan nila ang ilang panahon na ipinagpaliban nila ang isang bagay o na kumilos sila nang pabasta-basta sa ilang gawain. Ikukumpara nila ang sarili nila sa mga salita ng Diyos at aaminin nila na ang inilalantad ng Diyos ay ang realidad ng katiwalian ng tao at na ito ay may kaugnayan sa mga tiwaling disposisyon ng tao. Aaminin din nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at mauunawaan nila ang mga ito nang dalisay, nang walang mga maling pagkaunawa o mga sarili nilang kuru-kuro. Ito ang ibig sabihin ng maging mabuti ang kakayahan. Pagkarinig sa mga salitang ito, ang unang magiging reaksyon nila ay ang sukatin ang sarili nila gamit ang mga ito. Mapagtatanto nila na ito ay isang kalagayan na nararanasan din nila, at iuugnay nila ang mga salitang ito ng Diyos sa mga sarili nilang kalagayan at pang-araw-araw na buhay. Pagkatapos, magninilay sila sa sarili, titingnan nila nang malinaw ang sarili nilang kalagayan, at tatanggapin nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Ganito ang reaksyon ng mga taong may mabuting kakayahan kapag naririnig nila ang mga salita ng Diyos. Para sa isang taong may katamtamang kakayahan, hindi mo lang maaaring sabihin na “nagpapaliban” at “pabasta-basta”. Dapat ay direkta mong tukuyin ang mga isyu nila sa pamamagitan ng paglalantad sa mga pagpapamalas nila, at pagsasama nito sa mga bagay na ginagawa nila, at sabihing, “Madalas na ikaw ay nalilito at hindi mo sineseryoso ang mga bagay-bagay. Nagiging pabasta-basta ka lang sa pagganap mo ng tungkulin mo nang ganito. Paanong hindi mo ito namamalayan? Ilang beses ko nang sinabi ito sa iyo? Ang tawag dito ay pagiging pabasta-basta at pagpapaliban.” Tukuyin mo ang mga problema nila nang ganito. Pagkatapos nilang marinig ito, pagninilayan nila kung paano sila nagpaliban at kumilos nang pabasta-basta. Pagkatapos nilang tunay na pagnilayan at malaman ito, aaminin nila ang mga pagkakamali nila at magagawa nilang ituwid ang mga ito. Gayunman, ang nakikilala nila ay isang permanenteng bagay, isang permanenteng kalagayan. Matatanggap at maaamin lang nila ang sinasabi mo kung ito ay tumutugma sa mga sarili nilang imahinasyon. Ito ang tinatawag natin na katamtamang kakayahan. Kailangan ng pagsisikap sa paggawa sa mga taong may katamtamang kakayahan, at tanging sa pamamagitan lang ng pagsasalita nang mula sa batayan ng mga katunayan na sila ay lubos mong makukumbinsi. Ano ang kalagayan ng mga taong may mahinang kakayahan? Paano sila dapat na harapin? Ang mga taong may mahinang kakayahan ay mapurol ang utak at wala sa tamang pag-iisip. Hindi nila naiintindihan ang alinman sa mga sitwasyong nakakaharap nila, at hindi nila hinahanap ang katotohanan. Kung hindi malinaw at direktang sasabihin sa kanila ng mga tao ang mga bagay-bagay, hindi nila mauunawaan ang mga ito nang sila lang. Kaya, kapag nakikipag-usap ka sa mga taong may mahinang kakayahan, dapat magsalita ka nang mas malinaw at mas direkta, at dapat magbigay ka rin ng mga halimbawa. Dapat magsalita ka batay sa mga katunayan, at ulit-ulitin mo ang sarili mo. Ito lang ang paraan para magkaroon ng kaunting epekto ang mga salita mo. Dapat magsalita ka nang ganito: “Nagpapaliban ka at nagiging pabasta-basta sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin mo nang ganito!” Ano ang magiging unang reaksyon nila? “Ginawa ko ba iyon? Nagpaliban ba ako? Pagkagising na pagkagising ko sa umaga, nagsisimula akong mag-isip tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa tungkulin ko, at tinatapos ko muna ang mga bagay na iyon. Kapag lumalabas ako, iniisip ko rin kung paano gagawin nang maayos ang mga bagay na iyon. Hindi ako nagpapaliban o kumikilos nang pabasta-basta. Pinagsisikapan ko nang husto ang mga bagay na ito!” Ang unang magiging reaksyon nila ay ang itanggi ang sinabi mo. Wala silang kamalayan at, pangunahin sa lahat, hindi nila napagtatanto na ginagampanan nila ang mga tungkulin nila nang pabasta-basta at na nagpapaliban sila. Kailangan mong ipaliwanag sa kanila pagkatapos kung ano ang mga pagpapamalas ng pagpapaliban at pagiging pabasta-basta, at kailangan mong magsalita sa paraang tunay na makakukumbinsi sa kanila bago nila tatanggapin ang mga salita mo. Hindi madali para sa kanila na tanggapin na hindi sila nakagawa nang maayos o na nakagawa sila ng mga pagkakamali sa mga panlabas na usapin. Kung ang isang bagay ay may kinalaman sa katotohanan, sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, o sa disposisyon ng Diyos, mas lalo pa itong mahirap para sa mga taong may mahinang kakayahan. Hindi nila mauunawaan ang anumang sinasabi mo, at habang mas nagsasalita ka, mas makakaramdam sila ng pagkalito at pagiging walang kaalam-alam, at hindi na nila gugustuhing makinig pa. Ang mga ito ay mga taong lubhang mahina ang kakayahan; ito ay pagpapamalas ng kawalan nila ng kakayahang maabot ang katotohanan. Para sa mga taong mahina ang kakayahan, kahit gaano ka pa magbahagi tungkol sa katotohanan, wala itong silbi. Kahit gaano mo pa sila subukang kausapin, hindi ka nila mauunawaan. Ang pinakamagagawa nila ay maunawaan ang ilang doktrina at regulasyon. Samakatuwid, hindi kinakailangan na detalyadong magbahagi tungkol sa katotohanan sa mga taong napakahina ng kakayahan. Sabihin mo lang sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin sa isang simpleng paraan, at kung masusunod nila iyon, mabuti na iyon. Walang anumang kakayahang makaunawa ang mga taong labis na mahina ang kakayahan, hanggang sa punto na hindi nila magagawang maunawaan ang katotohanan kailanman, at lalo nang hindi sila mahihingan na abutin ang antas ng pagkilos ayon sa mga prinsipyo. Kung may mangyari sa harap mismo ng mga taong ito at ipapaliwanag mo ito sa kanila, hindi pa rin nila ito maiuugnay sa sarili nila. Ito ang tinatawag natin na mahinang kakayahan. Halimbawa, pagdating sa pagsisinungaling, tingnan mo kung ano ang reaksyon ng mga taong may mabuting kakayahan. Kapag naririnig ng mga taong may mabuting kakayahan na nagsasalita ang iba tungkol sa kung paano nila hinarap at nilutas ang mga kalagayan ng pagsisinungaling at panlilinlang, na nagsasalita tungkol sa kanilang mga kalagayan ng pagsisinungaling at nagbibigay ng mga halimbawa, magninilay sila sa sarili nila at ihahambing nila ang narinig nila sa mga sarili nilang kalagayan. Pagkatapos, magagawa nilang tukuyin ang mga sitwasyon kung saan nagsinungaling sila at kung ano ang mga layunin nila noong kumikilos sila nang ganoon. Batay sa mga paghahayag sa mga pang-araw-araw na buhay nila, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga layunin, motibo, at kaisipan nila, magagawa ng mga taong may mabuting kakayahan na matuklasan kung alin sa mga salita nila ang mga kasinungalingan at alin ang mayroong panlilinlang. Kapag nakikinig sila sa mga patotoong batay sa mga karanasan ng ibang tao, makikinabang sila at mayroon silang makakamit. Kahit pa magsalita ka tungkol lang sa ilang prinsipyo, mauunawaan at matututunan nilang gamitin ang mga ito. Pagkatapos, ituturing nila ang mga salitang ito bilang mga katotohanang prinsipyo, gagawin ang mga ito bilang sarili nilang realidad at, unti-unti, babaguhin nila ang sarili nila. Pagkatapos marinig ng isang tao na may katamtamang kakayahan ang mga patotoong batay sa mga karanasan ng ibang tao, magagawa niyang makita kung paano nauugnay sa kanyang sarili ang mga halatang kaso, pero hindi niya maiuugnay sa kanyang sarili ang mga bagay na hindi gaanong halata o ang mga bagay na nasa kaibuturan ng puso ng mga taong iyon na hindi pa napapahayag sa kanilang mga salita. Dagdag pa rito, mas mababaw rin nang kaunti ang pagkaunawa niya sa mga katotohanang prinsipyo, gaya ng mga doktrina. Ang antas ng pagkaunawa niya ay higit na mas mababa kaysa sa mga taong may mabuting kakayahan. Para naman sa mga taong mahina ang kakayahan, kapag nakikinig sila sa mga patotoo ng iba, kahit gaano pa kaingat na suriin ng mga taong iyon kung aling mga bagay ang kasinungalingan at mga walang kabuluhang salita at kung aling mga bagay ang mga mapanlinlang na kalagayan, hindi nila ito magagawang iugnay sa sarili nila, at hindi nila magagawang pagnilayan o kilalanin ang sarili nila. Hindi lamang bigo ang mga taong ito na kilalanin ang mga sarili nilang nagsisinungaling at mapanlinlang na kalagayan, kundi iniisip pa nila na sila ay mga napakatapat na tao na hindi kayang magsinungaling. Kahit pa magsinungaling ang iba at linlangin sila, hindi nila ito makikilatis at madali silang maloloko. Lalo nang mas hindi nila kayang maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo na ibinabahagi ng iba. Wala silang kahit na katiting na kakayahang makaunawa. Ito ay pagpapamalas ng mahinang kakayahan.

Sa mga taong may tatlong uri ng kakayahan na kababanggit lang natin, alin sa kanila ang makakapagsakatuparan ng pagbabago sa disposisyon? Aling uri ng tao ang makakapasok sa katotohanang realidad? (Ang mga taong may mabuting kakayahan.) Makakapasok sa katotohanang realidad nang mas mabilis at mas malalim ang mga taong may mabuting kakayahan. Ang mga taong may katamtamang kakayahan ay makakapasok nang mas mabagal at mas mababaw. Hindi man lang makakapasok ang mga taong may mahinang kakayahan. Ito ang pagkakaiba. Nakikita mo ba kung paano nagkakaiba ang mga tao sa isa’t isa? (Oo.) Ano ang mga pagkakaiba nila? Makikita ang mga pagkakaiba nila sa kakayahan nila at sa saloobin nila sa katotohanan. Mabilis na makapapasok sa katotohanang realidad at magkakamit ng buhay ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at may mabuting kakayahan. Matigas ang ulo at manhid ang mga taong may katamtamang kakayahan. Ang pagpasok nila sa katotohanan ay mabagal, at ang paglago ng buhay nila ay mabagal din. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi lamang hangal at mayabang, kundi sila rin ay estupido, na ang mga mukha ay walang emosyon at walang buhay; manhid ang kanilang espiritu, mabagal ang kanilang reaksyon, at mabagal sila makaarok sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay walang buhay, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at wala silang ginagawa kundi magsalita nang tungkol sa mga doktrina, sumigaw ng mga slogan, at sumunod sa mga regulasyon. Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi sila makapapasok sa katotohanang realidad. May buhay ba ang mga taong hindi makapapasok sa katotohanang realidad? Wala silang buhay. Kapag may nangyayari sa mga taong walang buhay, sinusunod nila ang sarili nilang kalooban at pikit-mata silang kumikilos, lumilihis sa isang direksyon minsan, at sa ibang direksyon naman sa ibang pagkakataon, walang tiyak na landas ng pagsasagawa, at palagi silang nag-aalangan at kaawa-awa. Kahabag-habag silang pagmasdan. Sa mga nakalipas na taon, madalas Kong naririnig na sinasabi ng ilang tao na hindi nila alam ang gagawin kapag may nangyayari sa kanila. Paanong iyan pa rin ang sitwasyon pagkatapos nilang makapakinig ng napakaraming sermon? Ang mga pagpapahayag nila ay nagpapakita na hindi talaga nila alam ang gagawin nila. Ang mga mukha nila ay walang emosyon at walang buhay. Sinasabi ng ilang tao, “Paano ako matatawag na manhid? Napakasensitibo ko sa kung ano ang popular sa mundo. Alam ko kung paano gamitin ang lahat ng uri ng computer, cellphone, at game console. Wala kayong alam at hindi ninyo alam kung paano gamitin ang mga ito. Paanong napakahina ng kakayahan ninyo?” Ngunit ang kaunting katalinuhan nila ay isa lamang kasanayan, kaunting karunungan—hindi ito maituturing na kakayahan. Kung hihingin mo sa kanila na makinig sa sermon o na magbahagi tungkol sa katotohanan, ang mga taong ito ay nabubunyag: Sa kanilang espiritu, sila ay napakamanhid. Gaano sila kamanhid? Maraming taon na silang nananalig sa Diyos, ngunit hindi pa rin sila nakatitiyak kung maliligtas ba sila at hindi nila ito masukat, at hindi rin malinaw sa kanila kung anong uri ng tao sila. Kung tatanungin mo sila kung ano ang palagay nila sa kakayahan nila, sasabihin nila, “Ang kakayahan ko ay mas mababa nang kaunti kaysa sa mabuting kakayahan, ngunit higit na mas mabuti kaysa sa katamtamang kakayahan.” Ipinapakita niyan kung gaano kahina ang kakayahan nila. Hindi ba’t medyo kahangalan ito? Ang mga taong may napakahinang kakayahan ay nagbubunyag ng ganitong uri ng kahangalan. Ano pa man ito, kung ang isang bagay ay may kinalaman sa katotohanan o sa mga prinsipyo, wala silang maiintindihan dito at hindi nila maaabot ang antas na ito. Ito ang ibig sabihin ng maging mahina ang kakayahan.

Ngayong nagbahaginan na tayo sa mga bagay na ito, masusukat na ba ninyo kung ano ang mabuting kakayahan at kung ano ang mahinang kakayahan? Kung kaya ninyong maunawaan kung ano ang mabuting kakayahan at kung ano ang mahinang kakayahan, at malinaw na makita ang sarili ninyong kakayahan at ang inyong kalikasang diwa, makakatulong ito para makilala ninyo ang inyong sarili. Sa oras na mayroon na kayong malinaw na ideya sa posisyon ninyo, magkakaroon na kayo ng kaunting katwiran at malalaman na ninyo ang sarili ninyong sukat. Hindi kayo madaling yayabang at mas magiging matatag at panatag kayo kapag gumagawa kayo ng inyong tungkulin. Hindi magiging masyadong mataas ang inyong ambisyon at magagawa ninyong gampanan ang inyong gawain. Kapag hindi kilala ng mga tao ang sarili nila, nagdudulot ito ng maraming gulo. Anong uri ng gulo? Kahit na ang kakayahan nila ay malinaw na katamtaman lamang, palagi nilang iniisip na mayroon silang mabuting kakayahan, mas mabuti kaysa sa iba. Palaging mayroong mga udyok sa puso nila at palagi nilang nais na maglingkod bilang mga lider at mamuno sa iba. Palaging mayroong gayong mga bagay sa puso nila, kaya makakaapekto ba ito sa pagganap nila sa mga tungkulin nila? Palagi silang ginugulo ng mga bagay na ito, hindi panatag ang puso nila, at hindi nila kayang huminahon. Hindi lamang nila hindi nagagampanan nang maayos ang mga tungkulin nila, kundi gumagawa pa sila ng ilang hangal at kahiya-hiyang bagay, at ilang bagay na walang katwiran na kinasusuklaman ng Diyos. Mayroon silang gayong mga seryosong problema—ayos lang ba na manatiling hindi nalulutas ang mga ito? Tiyak na hindi, dapat hanapin ng mga taong ito ang katotohanan upang lutasin ang mga ito. Una sa lahat, dapat silang manalangin sa Diyos at magnilay kung bakit mayroon silang gayong mga kaisipan, kung bakit sila ay napakaambisyoso, at kung saan nanggagaling ang mga bagay na ito. Kung pag-iisipan lamang nila ang mga bagay na ito sa isang simpleng pamamaraan, matutuklasan ba nila ang diwa ng mga problema? Tiyak na hindi. Dapat silang manalangin sa Diyos at magbasa ng mga salita ng Diyos upang mahanap nila ang ugat ng mga problema—saka pa lang magiging madali para sa kanila na lutasin ito. Ang mga ambisyon at pagnanais nila ay maaalis lamang kapag nalutas na nila ang mga tiwaling disposisyon nila. Sa ganitong paraan, magagawa nilang gampanan ang mga tungkulin nila sa isang praktikal na pamamaraan, at mas lalo silang magiging masunurin; hindi na sila masyadong magyayabang, maniniwala na mas mabuti sila kaysa sa lahat, o kikilos nang may pagmamataas, at hindi nila mararamdaman na naiiba sila sa iba. Hindi na sila gagambalain ng mga tiwaling disposisyong ito, at higit silang gugulang. Kahit papaano man lang, magtataglay sila ng marangal at matuwid na kagandahang-asal ng isang banal. Tanging sa ganitong paraan lang sila makakatiyak na mabubuhay sila sa harap ng Diyos. Kapag nananalig sa Diyos ang mga tao at pumupunta sila sa sambahayan ng Diyos, dapat man lang ay nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran upang matanggap nila ang katotohanan. Kung gaya sila ng mga walang pankanampalataya, gaya ng maiilap na mababangis na hayop, hindi nila magagawang lumapit sa harap ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Ano ba ang napakahirap sa paglapit sa harap ng Diyos? Madalas akong lumalapit sa harap ng Diyos.” Hindi isang simpleng bagay ang lumapit sa harap ng Diyos. Dapat mayroon kang tamang saloobin at pusong nagpapasakop sa Diyos upang tanggapin ka ng Diyos. Kung ang mga taong gaya ng mga hayop ay lumalapit sa harap ng Diyos, tiyak na kapopootan at kamumuhian sila ng Diyos. Samakatuwid, ang paglapit sa harap ng Diyos ay hindi isang bagay na maaaring matupad sa pamamagitan ng pangangarap nang gising ng mga tao, hindi ito na para bang kikilalanin ng Diyos na lumapit ka sa harap Niya dahil lamang gusto mo. Ang karapatang magdesisyon sa usaping ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Nakalapit ka lang sa harap ng Diyos kapag kinilala ka ng Diyos. Tanging kapag mayroon kang mga tamang layunin, kapag hinahanap mo ang katotohanan, at madalas kang nananalangin sa Diyos, na matatanggap mo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Saka pa lang na tunay kang nakalapit sa harap ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na ikaw ay isang ignoranteng karaniwang tao, isang mailap na mabangis na hayop, bibigyan ka ba ng pansin ng Diyos? (Hindi.) Hindi ka bibigyan ng pansin ng Diyos, bibigyan ka lamang Niya ng mga bagay na mabababaw, gaya ng kaunting biyaya at ng ilang pagpapala. Sa totoong kahulugan, hindi mo man lang magagawang tunay na maging malapit sa Diyos o lumapit sa harap Niya. Kaya, bago ka kilalanin ng Diyos bilang isang tagasunod Niya, kailangan mo munang gumawa ng ilang pagbabago upang marating mo ang punto kung saan kinikilala ka ng Diyos bilang isang miyembro ng Kanyang sambahayan. Saka pa lang na sisimulan ng Diyos na subukin ang tungkulin mo at subukin ang bawat salita at gawa mo, ang bawat kaisipan at ideya mo, saka pa lang na magsisimula ang Diyos na gumawa sa iyo. Bago ka pumasok sa pintuan ng sambahayan ng Diyos, ang ilang pag-uugali at pagpapamalas ng mga tao, ang mga paghahayag ng kanilang pagkatao, ang kanilang mga pagsasagawa, ang kanilang mga kaisipan at ideya, at ang kanilang mga saloobin sa Diyos ay kamuhi-muhi at kasuklam-suklam sa Diyos. Kukunin ba ng Diyos ang mga kamay ng mga taong para sa Kanya ay kamuhi-muhi at nakapandidiri at aakayin ba Niya sila papasok sa pintuan ng sambahayan Niya? (Hindi Niya gagawin ito.) Kung gayon, bakit nakakaramdam ng labis na kasiyahan at kagalakan ang ilang taong gaya nito? Saan nanggagaling ang damdaming ito? Mula sa pagpapanggap. Hindi ba’t ito ay medyo walang katwiran? (Oo.) Ang Diyos—ang Lumikha—ay ganap na may mga pamantayan sa pagpili ng mga tagasunod Niya. Hindi sapat na basta lang nananalig ang mga tao. Gusto ng Diyos ng mga tapat na tao, at pinagpapala ng Diyos ang mga taong taos-pusong iginugugol ang sarili nila para sa Kanya. Ginagamit ng Diyos ang mga taong kayang dumakila at magpatotoo sa Kanya. Ang mga pamantayan ng Diyos para sa mga tao ay iba sa mga pamantayan ng tao. Kapag pumipili ka ng sasamahang kaibigan, kailangan mong isaalang-alang ang karakter nila, kung sila ba ay akma sa panlasa mo, kung anong uri ng personalidad ba ang mayroon sila, kung ang mga libangan ba nila ay tulad ng sa iyo, at ang kanilang hitsura. Kahit ikaw ay may mga pamantayan kapag pumipili ng mga tao, kaya paano pa ang Diyos? Sinasabi ng ilang tao, “Anong pamantayan ang ginagamit ng Diyos sa pagpili ng mga tao? Ganoon ba kahirap na lumapit sa Diyos? Ganoon ba kahirap para sa mga tao na lumapit sa harap ng Diyos at pumasok sa pintuan ng sambahayan ng Diyos?” Sa katunayan, hindi ito mahirap, hindi mataas ang sukatan, ngunit may mga pamantayan. Una, ang mga tao kahit papaano man lang ay dapat mayroong maka-Diyos na saloobin at alam ang kanilang posisyon. Dagdag pa rito, dapat silang lumapit sa Diyos nang may tapat at dalisay na puso. Gayundin, dapat silang kumilos nang may kagandahang-asal ng isang banal sa lahat ng ginagawa at sinasabi nila, at kahit papaano, dapat nagtataglay sila ng ilang mabubuting salita at gawa, ugali, at kinalakhan. Kung ni hindi mo natutupad ang mga pangunahing kondisyong ito, sa totoo lang, hindi ka talaga bibigyan ng pansin ng Diyos. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Pagdating sa ilang taong nananalig sa Diyos, tingnan mo ang ginagawa nila, ang ipinapamalas nila, at ang inihahayag nila. Bakit sila labis na kasuklam-suklam at kamuhi-muhi para sa Diyos? Ito ay dahil ang mga taong ito ay walang pagkatao, walang konsensiya at katwiran, at kahit ang pinakapangunahin at mahalagang kagandahang-asal ng isang banal ay wala sila. Nais ng mga taong gaya nito na hawakan ng Diyos ang kamay nila at akayin sila papasok sa pintuan ng Kanyang sambahayan, ngunit imposible iyan. Ang mga hangal lang ang magpapalaganap ng ebanghelyo sa mga taong gaya nito na walang pagkatao. Ang ilang tao ay naglalagay ng makapal na makeup at nagsusuot ng masasagwang kasuotan sa pang-araw-araw na buhay nila. Nagdadamit sila sa paraang mas nakakaakit pa kaysa sa mga babaeng sumasayaw na kabilang sa mga walang pankanampalataya. Sa kanilang mga pribadong buhay at sa kanilang asal, hindi mo makikita kung paano sila naiiba sa mga walang pankanampalataya. Kapag kasama sila ng mga kapatid, malinaw na para silang mga walang pankanampalataya at mga hindi mananampalataya. Ang gayong mga tao ay maaaring magmukhang mga tunay na mananampalataya sa panlabas; maaaring tinalikuran nila ang mga bagay-bagay, maaaring nagagawa nilang gampanan ang mga tungkulin nila, at maaaring ang ilan sa kanila ay hindi aatras kapag naharap sa mga pag-uusig at paghihirap, ngunit matatanggap ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Matatanggap ba nila ang paghatol at pagkastigo ng Diyos? Batay sa mga bagay na ipinamumuhay nila, sila ba ay mararangal at matutuwid na tao? Sila ba ay mga tapat na tao? Sila ba ay mga taong nagmamahal sa katotohanan? Sila ba ay mga taong taos-pusong iginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos? Gusto ba ng Diyos ang mga taong gaya nito? Tiyak na hindi. Ang mga ito ay mga walang pankanampalataya na palihim na pumasok sa sambahayan ng Diyos. Nasa labas sila ng pintuan ng sambahayan ng Diyos at hindi pa nakakadaan. Ang mga bagay na ginagawa nila para sa sambahayan ng Diyos ay tulong at pagpapakapagod—sila ay mga kaibigan ng iglesia, ngunit hindi bahagi ng sambahayan ng Diyos. Hindi gusto ng Diyos ang mga walang pankanampalataya o ang mababangis na hayop. Mayroon ding ilang tao na, batay sa maraming taon nila ng pananalig sa Diyos, sa kaunting kapital na tinataglay nila, at sa mga importanteng tungkulin na nagampanan nila noon, ay agresibong pinasusunod ang iba sa sambahayan ng Diyos, nagnanais na kontrolin ang iglesia at taglayin ang lahat ng awtoridad. Ang mga saloobin ng mga taong ito sa Diyos at sa katotohanan ay kamuhi-muhi sa Diyos. Batay sa kanilang diwa at sa mga bagay na nasa kaibuturan ng puso nila, hindi kinikilala ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang sambahayan. Dahil hindi kinikilala ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga miyembro ng Kanyang sambahayan, bakit sila pinapayagan ng Diyos na gumawa sa Kanyang samabahayan? Pinapayagan sila ng Diyos na tumulong o gumawa ng pansamantalang gawain. Sa proseso ng pagtulong at paggawa ng pansamantalang gawain, kung mayroon talaga silang konsensiya at katwiran, kung kaya nilang makinig, magpasakop, at tumanggap ng katotohanan, at kung mayroon silang kagandahang-asal ng isang banal at isang may-takot-sa-Diyos na puso, at kung ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang taos-puso, kung nakakapasa sila sa mga pagsubok na ito, aakayin sila ng Diyos papunta sa Kanyang sambahayan, at sila ay magiging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa oras na ito, ang gawaing ginagawa nila at ang ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila ay magiging mga tungkulin nila. Ang ginagawa ng mga tao sa labas ng pintuan ng sambahayan ng Diyos ay hindi paggampan sa isang tungkulin, ito ay paggawa at pagtulong sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong ito ay mga trabahador.

Ngayon, masusukat ba ninyo kung kayo ay miyembro ng sambahayan ng Diyos? Kung huhusgahan ninyo sa haba ng panahon na kayo ay nanalig sa Diyos, dapat kayo ay miyembro, ngunit ito ba ay tumpak na pamamaraanng pagsukat? (Hindi.) Ano ang batayan na dapat ninyong gamitin sa pagsukat? Batay ito sa kung ikaw ay mayroong panloob na reaksyon kapag narinig mo ang katotohanan, kung nakokonsensiya ka ba, napapagalitan, at nadidisiplina sa kaibuturan ng puso mo kapag nilalabag mo ang katotohanan o lumalaban at naghihimagsik ka sa Diyos. Dinidisiplina ang ilang tao sa anyo ng pagkakaroon ng mga singaw sa bibig pagkatapos nilang magbitiw ng mga mapanghusgang salita; ang iba ay kumikilos nang pabasta-basta, hindi siniseryoso ang bagay-bagay, kaya pinararanas sila ng Diyos ng karamdaman. Kapag binanggit ang mga bagay na ito, kapag nakakaramdam ang mga taong ito ng matinding pagsisisi sa kaibuturan nila at nagagawang magsisi—kung ipinapakita nila ang mga pagpapamalas na ito—kung gayon ay mga miyembro sila ng sambahayan ng Diyos. Itinuturing ng Diyos ang mga taong ito bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, ng sarili Niyang pamilya. Itinutuwid, dinidisiplina, pinagagalitan, at pinupungusan sila ng Diyos—ganito ang maging isang miyembro ng sambahayan ng Diyos. Kapag ang saloobin mo sa Diyos ay nagbabago at kaya mong magsisi, babaguhin din ng Diyos ang saloobin Niya sa iyo. Kapag pumasok ka sa buhay, at ang mga pananaw mo sa bagay-bagay at ang direksyon mo sa buhay ay nagkaroon ng ilang pagbabago, at ang pananampalataya at pagkatakot sa Diyos na pinanghahawakan mo sa kaibuturan ng puso mo ay dahan-dahang lumago at nagbago, naging bahagi ka na ng sambahayan ng Diyos. Maraming taon nang nananalig sa Diyos ang ilang tao, ngunit wala silang masyadong nagawa para sa kapakinabangan ng sambahayan ng Diyos. Sa katunayan, nakagawa sila ng marami-raming masamang bagay. Sila ay nagsinungaling at nandaya, ginawa ang bagay-bagay sa pabasta-bastang paraan, kumilos nang walang pakundangan at sarilinan, nagnakaw ng mga handog, naghasik ng hindi pagkakasundo, nagdulot ng mga pagambala at panggugulo, at sinira ang gawain ng iglesia. Marami silang nagawang mga pagkakamali, ngunit hindi sila kailanman nakaramdam ng kahihiyan. Walang pagsisisi sa puso nila, at wala sila ni katiting na pang-uusig ng konsensiya. Ang mga ito ay mga taong nakatayo sa labas ng pintuan ng sambahayan ng Diyos. Ang ganitong uri ng mga tao ay palaging nabubuhay sa labas ng pintuan ng sambahayan ng Diyos. Wala silang sinusunod na mga prinsipyo sa ginagawa nila at hindi sila interesado sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Nakatuon lamang sila sa pagganap sa mga gawain, sa pagpapakaabala, sa pagsisikap, sa pagpapakitang gilas at sa pag-iipon ng personal na kapital. Pabasta-basta silang kumikilos pagdating sa gawain ng iglesia at sa kanilang mga tungkulin; pinagsisinungalingan at nililinlang nila ang Diyos, at inililigaw at kinokontrol pa nga nila ang mga kapatid. Hindi sila nakakaramdam ng kahit katiting na pagsaway o pagsisisi, at hindi rin nila nararamdaman ang pagdidisiplina ng Diyos. Ang mga taong ito ay hindi mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Sa panlabas, ang ganitong uri ng tao ay nagpapakita ng labis na kasigasigan sa pagpapakaabala at paggugol sa kanyang sarili; malaki ang pananampalataya niya at handa siyang gugulin ang sarili niya. Tila minamahal niya talaga ang katotohanan, minamahal ang Diyos, at handang isagawa ang katotohanan. Gayunpaman, sa oras na makinig siya sa mga sermon, inaantok siya, hindi mapirmi sa pagkakaupo, at pakiramdam niya ay itinataboy siya. Sa puso niya, iniisip niya, “Hindi ba’t ang pagbabahagi sa mga bagay na ito ay pagtukoy lang sa mga kalagayan ng mga tao, sinasabi sa mga tao na kilalanin ang sarili nila, pagkatapos ay ipaunawa sa kanila ang kaunting katotohanan at sa huli ay maisakatuparan ang pagpapasakop? Nauunawaan ko ang lahat ng ito, kaya bakit kailangan itong ibahagi muli?” Hindi talaga minamahal ng mga taong ito ang katotohanan, at kahit ganito, wala silang nararamdamang kahihiyan at wala silang natatanggap na pagdidisiplina, na para bang wala talaga silang puso. Lahat ng taong ito ay nasa labas ng sambahayan ng Diyos. Sila ay mga walang pankanampalataya. Magmula noong unang tinanggap nila ang gawain ng Diyos hanggang ngayon, hindi talaga nila kailanman kinilala na sila ay mga nilikha at na ang Diyos ang Lumikha sa kanila. Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti at hindi nila ginagampanan nang buong puso ang mga tungkulin nila. Gayunpaman, dahil mayroon silang kaunting tusong katalinuhan at kaunting kasigasigan, kasama ng ambisyon nila, nakatuon sila sa pagpapakaabala at paggawa ng gawain para makamit ang paghanga ng mga tao, lahat ay para magkaroon sila ng posisyon sa sambahayan ng Diyos. Iniisip nila, “Sa pamamagitan ng paggawa sa mga gawaing ito at pagpapakaabala nang ganito, nakilala ang pangalan ko at nagkamit ng kredibilidad sa iba’t ibang lugar. Nasiguro ko na ang posisyon ko sa iglesia, at saan man ako pumunta, tinitingala ako ng mga kapatid. Sapat na ang pagkakaroon ng gayong reputasyon sa mga kapatid; ibig sabihin nito ay may buhay ako. Tungkol sa kung paano ito binibigyan ng depinisyon ng Diyos, hindi kailangang maging metikuloso rito.” Anong uri ng mga tao ang mga ito? Sa totoo lang, sila ay mga hindi mananampalataya. Ano ang batayan para sabihin ang ganito? Ang batayan ay ang saloobin nila sa katotohanan at sa Diyos. Hindi sila kailanman nagsisi, hindi nila kailanman nakilala ang mga sarili nila, at hindi kailanman nalaman kung paano ang magpasakop sa Diyos. Sa halip, ginagawa nila ang anumang gusto nila, nakikilahok sa personal na pamamahala sa ngalan ng pagganap sa mga tungkulin nila, at binibigyan ng kasiyahan ang mga sarili nilang pagnanasa at kagustuhan. Napakaraming taon na silang nananalig sa Diyos at nakapakinig na ng napakaraming sermon, ngunit wala silang konsepto ng katotohanan, at wala silang konsepto na ang pananalig sa Diyos ay humihingi na isagawa ng isang tao ang katotohanan. Pagkatapos makapakinig sa napakaraming sermon, hindi pa rin nila naunawaan kung tungkol saan talaga ang daan. Sa kaibuturan ng puso nila, hindi nila nararamdaman na ang tao ay lubos na tiwali at nangangailangan ng pagliligtas ng Diyos. Wala rin silang tunay na pagnanais at pananabik sa katotohanan at sa Diyos sa kaibuturan ng puso nila. Hindi ba’t problematiko ito? (Oo.) Napakaproblematiko nito. Para sa kanila, ang Diyos, ang katotohanan, at ang kaligtasan ay retorika lang, isang uri lang ng argumento o slogan. Iyan ay napakaproblematiko.

Ano ang nakikita ninyo na pinakamalinaw na pagkakaiba nina Pablo at Pedro? Nagtrabaho si Pablo sa loob ng maraming taon, naglalakbay, ginugugol ang sarili, nagkokontribusyon, at nagtitiis ng maraming pagdurusa, ngunit ang landas na tinahak niya ay hindi kinapalooban ng katotohanan, hindi kinapalooban ng pagpapasakop sa Diyos, hindi kinapalooban ng pagbabagong disposisyunal, at tiyak na hindi kinapalooban ng pagkakaligtas. Samakatuwid, kahit gaano kataas ang reputasyon ni Pablo, kahit gaano naimpluwensiyahan ng mga sinulat niya ang mga susunod na henerasyon, hindi siya isang tao na tunay na nagmahal sa Panginoong Jesus. Wala siyang tunay na pang-unawa sa Panginoong Jesus, hindi niya kinilala ang Panginoong Jesus bilang ang nag-iisang tunay na Diyos, kundi kinilala lang niya ang Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos, bilang isang ordinaryong tao. Dahil dito, wala siyang tunay na pagpapasakop sa Panginoong Jesus; ginawa lang niya ang lahat ng magagawa niya para palaganapin ang ebanghelyo at makuha ang mga tao, makapagtayo ng mga iglesia, at personal silang gabayan sa pag-asang makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ngunit siniyasat ng Diyos ang puso ni Pablo at hindi siya sinang-ayunan ng Diyos. Sa kabaligtaran, tahimik na ginawa ni Pedro ang mga bagay-bagay, at ang puso niya ay palaging puno ng mga sinabi ng Panginoong Jesus sa kanya. Hinangad niya ang pagmamahal at pang-unawa sa Diyos ayon sa mga hinihingi ng Panginoong Jesus. Sa panahong ito, tinanggap niya ang mapagalitan, mapungusan, at maging ang sawayin pa nga ng Diyos. Ano ang mga salitang ginamit ng Diyos para sawayin si Pedro? (“Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23).) Tama, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas.” Sinabi ng Diyos ang gayong mga salita, ngunit hindi ang mga salitang ito ang nagtakda ng wakas ni Pedro, ang mga ito ay pagsaway lang. Sinaway ba ng Diyos si Pablo sa panahon ng kanyang gawain? (Hindi.) Sa isang banda, sa pagtingin sa mga subhetibong salik, hindi siya sinaway ng Diyos. Sa kabilang banda, sa perspektiba ng mga obhetibong salik, hindi tinanggap ni Pablo ang katotohanan, hindi hinanap ang katotohanan, at hindi talaga hinanap ang landas ng pagtanggap ng kaligtasan, kaya hindi niya matatanggap o mararanasan ang mga bagay na ito. Ang gawain na ginawa ng Diyos sa kanya ay gamitin ang kanyang serbisyo—kung makakapagtrabaho siya hanggang sa huli nang hindi gumagawa ng anumang malaking kasamaan, maaari siyang manatili bilang isang tagapagserbisyo; kung nakagawa siya ng anumang malaking kasamaan, gayunpaman, magiging iba ang kalalabasan. Iyan ang pagkakaiba. Sa kabilang banda, nakatanggap si Pedro ng labis na pagdidisiplina, pagtutuwid, at pagpupuna mula sa Diyos. Sa panlabas, tila hindi umayon si Pedro sa mga layunin ng Diyos, kaya hindi nalugod ang Diyos, ngunit sa perspektiba ng mga layunin ng Diyos, ang gayong tao ang eksaktong gusto Niya at nakapagpalugod sa Kanya. Iyon ang dahilan kaya tuloy-tuloy siyang itinuwid at pinungusan ng Diyos, kaya unti-unti siyang lumago, pumasok sa katotohanan, at naunawaan ang mga layunin ng Diyos, sa huli ay naisakatuparan ang tunay na pagpapasakop at ang tunay na pagbabago. Ito ang pagmamahal ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos.

Ngayon, malinaw ba sa puso ninyo kung kayo ay miyembro ng sambahayan ng Diyos? Tunay ka bang nakapasok sa sambahayan ng Diyos? Batay sa kakabahagi Ko pa lang, masusukat ba ninyo ito? Kaya ba ninyong matiyak na pumasok kayo sa pintuan ng sambahayan ng Diyos at na kayo ay mga miyembro ng sambahayan ng Diyos? (Tiyak kami.) Mabuti na kayo ay nakatitiyak. Ito ay patunay na ang pananalig ninyo sa Diyos ay mayroon nang pundasyon, at na nagkaroon na kayo ng ugat sa sambahayan ng Diyos. Ang mga walang pundasyon ay nasa labas ng sambahayan ng Diyos, at hindi sila kinikilala ng Diyos. Paano kung magpatotoo ka tungkol sa Diyos at sabihin sa iba na ikaw ay isang tagasunod ng Diyos at isang miyembro ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ngunit sinasabi ng Diyos na hindi Ka niya kilala? Iyan ay magiging isang problema, tama? Ito ba ay magiging isang pagpapala o isang sumpa para sa mga tao? Hindi ito isang magandang senyales. Samakatuwid, kung gusto mong makamtan ang pagsang-ayon ng Diyos at sabihin na ikaw ay isang tunay na mananampalataya ng Diyos, dapat kang gumawa ng ilang bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, maghanda ng ilang mabuting gawa, idirekta ang puso mo sa Diyos, at magkaroon ng isang puso na dinadakila ang Diyos. Saka ka pa lang kikilalanin ng Diyos. Una, dapat mong baguhin ang mga kamalian sa iyong mga pananaw, saloobin, at pagsasagawa tungkol sa Diyos at sa katotohanan, gayon din ang maling landas na tinahak mo. Dapat baguhin ang mga bagay na ito. Ito ang pundasyon. Pagkatapos ay dapat mong tanggapin ang lahat ng katotohanan na ipinahayag ng Diyos at tuparin ang mga tungkulin mo gaya ng hinihingi ng Diyos. Kapag naisakatuparan ang mga bagay na ito, malulugod ang Diyos at kikilalanin Ka niya bilang tagasunod Niya. Pangalawa, dapat mong dahan-dahang hayaan ang Diyos na kilalanin ka bilang isang tunay na nilikha, isang tao na nakasunod sa pamantayan. Kung nasa labas ka pa rin ng sambahayan ng Diyos at hindi ka pa kinikilala ng Diyos bilang isang miyembro ng Kanyang sambahayan, ngunit sinasabi mo na gusto mong maligtas, hindi ba’t iyan ay panaginip lang ng isang hangal? Ngayon ay nakaranas na kayo ng kaunting pagtutuwid at pagdidisiplina, nagtataglay ng biyaya ng Diyos at mga pagpapala, at mayroong pundasyon ang pananampalataya ninyo sa Diyos. Ito ay isang mabuting bagay. Ang susunod na hakbang ay ang maisakatuparan ang buhay pagpasok batay sa pag-unawa sa katotohanan, ang gawing sariling buhay ninyo ang mga katotohanang ito at isabuhay ang mga ito, ang gamitin ang mga ito sa pagganap sa tungkulin ninyo at sa lahat ng bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa iyo. Pagkatapos, magkakaroon ka ng pag-asa para sa kaligtasan. Karamihan sa inyo ay hindi mahina ang kakayahan lahat kayo ay maituturing na may katamtamang kakayahan. Mayroong pag-asa para sa kaligtasan, ngunit lahat kayo ay mayroong ilang pagkukulang at kapintasan sa inyong pagkatao. Ang ilan sa inyo ay tamad, ang ilan ay mayabang magsalita, ang ilan ay mapagmataas, at ang ilan ay medyo mapurol, manhid, at mapagmatigas. Ang mga ito ay mga usapin ng disposisyon. Para sa ilang problema ng pagkatao at disposisyon, dapat ninyong hanapin ang katotohanan sa pamamagitan ng karanasan, pagnilay-nilay sa sarili ninyo, at pagtanggap ng pagpupungos para matupad ang progresibong pagbabago at maisakatuparan ang karanasan at lalim kaugnay sa pagtanggap at pag-arok ninyo sa katotohanan. Sa ganitong paraan, ikaw ay lalago sa buhay nang unti-unti. Kung may buhay, may pag-asa ang isang tao. Kung walang buhay, walang pag-asa. Nagtataglay ba kayo ng buhay ngayon? Mayroon ba kayong pag-unawa at karanasan sa katotohanan sa inyong puso? Gaano at hanggang saan kayo nagpapasakop Diyos? Dapat maging maliwanag sa inyong puso ang mga bagay na ito. Kung hindi ito maliwanag sa inyo kundi kayo ay naguguluhan, magiging mahirap ang magkaroon ng paglago sa buhay.

Sa iglesia, may mga nag-iisip na ang labis na pagsisikap o ang paggawa ng ilang mapanganib na bagay ay nangangahulugang nakapagtipon sila ng merito. Sa katunayan, batay sa kanilang mga kilos, tunay na karapat-dapat silang purihin, subalit kasuklam-suklam at kahiya-hiya ang kanilang disposisyon at saloobin sa katotohanan. Wala silang pagmamahal para sa katotohanan, kundi tutol sila sa katotohanan. Ginagawa silang kasuklam-suklam maging ng nag-iisang bagay na ito. Walang kuwenta ang gayong mga tao. Kapag nakikita ng Diyos na mahina ang kakayahan ng mga tao, na mayroon silang partikular na mga kapintasan, at may mga tiwaling disposisyon o isang diwang sumasalungat sa Kanya, hindi Siya naitataboy ng mga ito, at hindi sila inilalayo ng mga ito sa Kanya. Hindi iyon ang layunin ng Diyos, at hindi ito ang Kanyang saloobin sa tao. Hindi kinasusuklaman ng Diyos ang mahinang kakayahan ng mga tao, hindi Niya kinasusuklaman ang kanilang kahangalan, at hindi Niya kinasusuklaman ang pagkakaroon nila ng mga tiwaling disposisyon. Ano ang pinakakinasusuklaman ng Diyos sa mga tao? Iyon ay kapag tutol sila sa katotohanan. Kung tutol ka sa katotohanan, dahil lamang diyan, hindi matutuwa sa iyo ang Diyos kailanman. Nakataga iyan sa bato. Kung tutol ka sa katotohanan, kung hindi mo mahal ang katotohanan, kung ang saloobin mo sa katotohanan ay kawalang-malasakit, mapanghamak, at mapagmataas, o inaayawan, nilalabanan, at tinatanggihan mo pa ito—kung ganito ang pag-uugali mo, lubos kang kinaiinisan ng Diyos, at hindi ka magtatagumpay, hindi ka na maliligtas. Kung talagang mahal mo ang katotohanan sa puso mo, subalit medyo mahina ang kakayahan mo at wala kang kabatiran, at medyo hangal; kung madalas na nagkakamali ka, ngunit hindi mo intensiyong gumawa ng masama, at nakagawa ka lamang ng ilang kahangalan; kung taos-puso kang handang makinig sa pagbabahagi ng Diyos sa katotohanan, at taos-puso kang nasasabik sa katotohanan; kung ang iyong saloobin sa pagtrato mo sa katotohanan at mga salita ng Diyos ay may sinseridad at pananabik, at kaya mong pahalagahan at itangi ang mga salita ng Diyos—sapat na ito. Gusto ng Diyos ang gayong mga tao. Kahit na medyo hangal ka kung minsan, gusto ka pa rin ng Diyos. Mahal ng Diyos ang puso mo na nananabik sa katotohanan, at mahal Niya ang iyong sinserong saloobin sa katotohanan. Kaya, may awa ang Diyos sa iyo at palaging nagkakaloob ng biyaya sa iyo. Hindi Niya iniisip ang iyong mahinang kakayahan o ang iyong kahangalan, ni hindi Niya iniisip ang iyong mga pagsalangsang. Dahil sinsero at masigasig ang iyong saloobin sa katotohanan, at tapat ang iyong puso, kung gayon, dahil sa pagiging totoo ng puso mo at ng saloobin mong ito—lagi Siyang magiging maawain sa iyo, at gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Sa kabilang banda, kung mapagmatigas ka sa puso mo at pinalalayaw mo ang sarili mo, kung tutol ka sa katotohanan, hindi kailanman nakikinig sa mga salita ng Diyos at sa lahat ng may kinalaman sa katotohanan, at mapanlaban ka at mapanghamak sa kaibuturan ng puso mo, ano kung gayon ang saloobin ng Diyos sa iyo? Pagkasuklam, pagkamuhi, at walang-humpay na poot. Anong dalawang katangian ang malinaw sa makatuwirang disposisyon ng Diyos? Masaganang awa at matinding poot. Ang “masagana” sa “masaganang awa” ay nangangahulugang ang awa ng Diyos ay mapagparaya, matiisin, mapagbata, at ito ang pinakadakilang pagmamahal—iyon ang ibig sabihin ng “masagana.” Dahil hangal at mahina ang kakayahan ng mga tao, ganito dapat kumilos ang Diyos. Kung mahal mo ang katotohanan subalit isa ka namang hangal at mahina ang kakayahan, masaganang awa ang saloobin ng Diyos para sa iyo. Ano ang kasama ng awa? Pagtitiis at pagpaparaya: Mapagparaya at matiisin ang Diyos sa iyong kamangmangan, binibigyan ka Niya ng sapat na pananampalataya at pagtitiyaga upang suportahan ka, pagkalooban ka, at tulungan ka, upang maunawaan mo nang paunti-unti ang katotohanan at unti-unti kang mag-mature. Sa anong pundasyon ito nakasalig? Ito ay nakasalig sa pundasyon ng pagmamahal ng isang tao at pananabik sa katotohanan, at ng kanyang tapat na saloobin sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa katotohanan. Ito ang mga pangunahing pag-uugali na dapat maihayag sa mga tao. Ngunit kung sa puso ng isang tao ay tutol siya sa katotohanan, umaayaw dito, o namumuhi pa nga sa katotohanan, kung hindi niya siniseryoso ang katotohanan kailanman, at palaging nagsasalita nang tungkol sa mga nagawa niya, kung paano siya nagtrabaho, kung gaano karaming karanasan ang mayroon siya, ano ang pinagdaanan niya, kung paano siya itinatangi ng Diyos at pinagkatiwalaan ng malalaking gawain—kung ang sinasabi niya ay tungkol lang sa mga bagay na ito, sa kanyang mga kuwalipikasyon, mga nagawa, at mga talento niya, palaging nagpapasikat, at hindi kailanman nagbabahagi tungkol sa katotohanan, nagpapatotoo sa Diyos, o nagbabahagi sa pang-unawang nakamit mula sa karanasan sa gawain ng Diyos o ng kanyang kaalaman sa Diyos, hindi ba’t tutol siya sa katotohanan? Ganito naipapamalas ang pagtutol at ang hindi pagmamahal sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Paano sila makakapakinig ng mga sermon kung hindi nila minamahal ang katotohanan?” Ang lahat ba ng nakikinig sa mga sermon ay nagmamahal sa katotohanan? Ang ilang tao ay pabasta-basta lang. Napipilitan silang umarte sa harap ng iba, natatakot na kung hindi sila makikilahok sa buhay ng iglesia, hindi kikilalanin ng sambahayan ng Diyos ang pananampalataya nila. Paano itinuturing ng Diyos ang ganitong saloobin sa katotohanan? Sinasabi ng Diyos na hindi nila minamahal ang katotohanan, na sila ay tutol sa katotohanan. Sa kanilang disposisyon, mayroong isang bagay na napakamapanganib, mas lalo pang mapanganib kaysa sa pagmamataas at panlilinlang, at iyan ay ang pagiging tutol sa katotohanan. Nakikita ito ng Diyos. Dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, paano Niya tinatrato ang gayong mga tao? Siya ay puno ng poot sa kanila. Kung ang Diyos ay puno ng poot sa isang tao, minsan ay pinagagalitan Niya ito, o dinidisiplina at pinarurusahan ito. Kung hindi niya sinasadyang salungatin ang Diyos, magiging mapagparaya Siya, maghihintay, at magmamasid. Dahil sa sitwasyon o sa ibang obhetibong dahilan, maaaring gamitin ng Diyos ang hindi mananampalatayang ito para magserbisyo sa Kanya. Ngunit sa oras na pahintulutan ng kapaligiran, at ang panahon ay tama, ang gayong mga tao ay paaalisin sa sambahayan ng Diyos, dahil ni hindi sila nararapat magserbisyo. Gayon ang poot ng Diyos. Bakit puno ng poot ang Diyos? Ipinapahayag nito ang labis na pagkamuhi ng Diyos sa mga tumututol sa katotohanan. Ang malalim na poot ng Diyos ay nagpapakita na itinakda na Niya ang kalalabasan at destinasyon ng gayong mga tao na tumututol sa katotohanan. Saan ibinibilang ng Diyos ang mga taong ito? Ibinibilang sila ng Diyos sa kampo ni Satanas. Dahil Siya ay puno ng poot sa kanila at nayayamot na sa kanila, isinasara ng Diyos ang pintuan sa kanila, hindi Niya sila pinapayagan na makatungtong sa sambahayan ng Diyos, at hindi sila binibigyan ng pagkakataon para maligtas. Isa itong pagpapamalas ng poot ng Diyos. Inilalagay din sila ng Diyos sa kaparehong antas gaya ni Satanas, bilang maruruming demonyo at masasamang espiritu, bilang mga hindi mananampalataya, at kapag dumating ang tamang oras, sila ay ititiwalag ng Diyos. Hindi ba’t isa itong paraan ng pangangasiwa sa kanila? (Oo.) Gayon ang poot ng Diyos. At ano ang naghihintay sa kanila sa oras na matiwalag sila? Matatamasa pa ba nilang muli ang biyaya at pagpapala ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos? (Hindi.) Madalas sinasabi ng mga tao sa Kapanahunan ng Biyaya ang ganito: “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Nauunawaan ng karamihan ng tao ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Ito ang emosyon at saloobin ng Diyos sa pagliligtas sa tiwaling sangkatauhan. Ngunit paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan? Inililigtas ba Niya ang lahat ng sangkatauhan o bahagi lamang nito? Aling bahagi ang inililigtas ng Diyos at aling mga tao ang tinatalikuran Niya? Hindi kayang maabot ng karamihan ng tao ang puso ng usaping ito. Kaya lang nilang magsalita sa mga tao nang tungkol sa mga doktrina. “Nais ng Diyos na maligtas ang bawat tao at ayaw Niyang mapahamak ang sinuman.” Napakaraming tao ang nagsasabi nito, ngunit hindi talaga nila nauunawaan ang layunin ng Diyos. Sa katunayan, ang layunin ng Diyos ay iligtas lamang ang mga nagmamahal sa katotohanan at ang mga kayang tumanggap sa Kanyang pagliligtas. Ang mga tumututol sa katotohanan at tumatangging tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay ang mga tumatanggi at lumalaban sa Diyos. Hindi lang sa hindi sila ililigtas ng Diyos, kundi sa huli ay lilipulin Niya ang mga taong ito. Bagamat alam ng mga nananalig sa Diyos na ang pagmamahal Niya ay walang hanggan, hindi maikukumpara ang lawak, at makapangyarihan, hindi nais ng Diyos na ibigay ang Kanyang biyaya at pagmamahal sa mga tumututol sa katotohanan. Hindi ibibigay ng Diyos ang Kanyang pagmamahal at pagliligtas sa mga taong ito para sa wala. Ito ang saloobin ng Diyos. Ang mga tumututol sa katotohanan at ayaw tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay gaya ng isang pulubi na naghahanap ng pagkain—kahit kanino pa siya mamalimos ng pagkain, sa puso niya, hindi lamang siya walang respeto sa mga tagapagtaguyod niya, kundi kinukutya at kinamumuhian sila. Kukunin pa niya sa halip ang mga pag-aari ng mga tagapagtaguyod niya para sa sarili niya. Magiging bukas pa ba sa loob na magbigay ng pagkain ang mga tagapagtaguyod sa gayong pulubi? Tiyak na hindi, dahil hindi siya tunay na kaawa-awa, kundi sa halip ay labis na kasuklam-suklam. Ano ang saloobin ng tagapagtaguyod sa gayong tao? Mas gugustuhin pa niyang magbigay ng pagkain sa aso kaysa sa isang pulubing gaya nito. Ito ang tunay niyang damdamin. Sa tingin ninyo, anong uri ng mga tao ang mga tumututol sa katotohanan? Sila ba iyong mga lumalaban at sumasalungat sa Diyos? Maaaring hindi sila hayagang lumalaban sa Diyos, subalit ang kanilang kalikasang diwa ay ang itatwa at labanan ang Diyos, na katumbas ng hayagang pagsasabi sa Diyos na, “Ayaw kong naririnig ang mga sinasabi Mo, hindi ko ito tinatanggap, at dahil hindi ko tinatanggap na katotohanan ang Iyong mga salita, hindi ako naniniwala sa Iyo. Naniniwala ako sa sinumang kapaki-pakinabang at makabubuti sa akin.” Ganito ba ang saloobin ng mga walang pankanampalataya? Kung ganito ang saloobin mo patungkol sa katotohanan, hindi ka ba hayagang napopoot sa Diyos? At kung hayagan kang napopoot sa Diyos, ililigtas ka ba ng Diyos? Hindi ka Niya ililigtas. Iyan ang dahilan ng matinding galit ng Diyos sa mga nagtatatwa at lumalaban sa Diyos. Ang diwa ng mga taong kagaya nito, na tinututulan ang katotohanan, ay ang diwa ng pagkapoot sa Diyos. Hindi itinuturing ng Diyos ang mga taong may gayong diwa bilang mga tao. Sa Kanyang paningin, sila ay mga kaaway at diyablo. Hinding-hindi Niya sila ililigtas. Sa huli, masasadlak sila sa sakuna at malilipol. Ano ang sasabihin ninyo—kung kinakain ng isang pulubi ang pagkain ng tagapagtaguyod niya at minumura, pinagtatawanan, kinukutya, at inaatake pa ang tagapagtaguyod niya, kamumuhian ba siya ng tagapagtaguyod niya? Tiyak iyon. Ano ang dahilan sa pagkamuhing ito? (Hindi lang sa walang utang na loob ang pulubi sa kanyang tagapagtaguyod sa pagbibigay sa kanya ng pagkain, kundi sa halip ay kinukutya, pinagtatawanan, at inaatake pa niya ang tagapagtaguyod. Ang gayong tao ay lubos na walang konsensiya o katwiran, at wala ring pagkatao.) Anong saloobin ang dapat taglayin ng tagapagtaguyod sa pulubi? Dapat bawiin ng tagapagtaguyod ang mga bagay na orihinal niyang ibinigay sa pulubi, at pagkatapos ay paalisin ito. Dapat niyang ibigay, sa halip, ang mga bagay na ito sa mga aso o ligaw na hayop kaysa sa ibigay ang mga ito sa pulubing ito. Ito ang bunga na inihatid mismo ng pulubi sa sarili niya. Mayroong dahilan kung bakit matindi ang poot ng Diyos sa isang tao o sa isang uri ng tao. Ang dahilang ito ay hindi itinakda ng kagustuhan ng Diyos, kundi ng saloobin ng taong iyon sa katotohanan. Kapag ang isang tao ay tumututol sa katotohanan, walang duda na ito ay mapanganib sa pagkakamit niya ng kaligtasan. Hindi ito isang bagay na maaari o hindi maaaring mapatawad, hindi ito isang anyo ng pag-uugali, o isang bagay na panandaliang nahayag sa kanila. Ito ay kalikasang diwa ng isang tao, at ang Diyos ay pinakayamot sa gayong mga tao. Kung paminsan-minsan kang naghahayag ng katiwalian ng pagtutol sa katotohanan, dapat mong suriin, batay sa mga salita ng Diyos, kung ang mga paghahayag na ito ay sanhi ng pagkainis mo sa katotohanan o ng kawalan ng pang-unawa sa katotohanan. Nangangailangan ito ng paghahanap, at nangangailangan ito ng kaliwanagan at tulong ng Diyos. Kung ang kalikasang diwa mo ay gayon na tutol ka sa katotohanan, at hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, at ikaw ay partikular na umaayaw at mapanlaban dito, mayroong problema. Ikaw ay tiyak na isang masamang tao, at hindi ka ililigtas ng Diyos.

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga walang pankanampalataya at ng mga nananalig sa Diyos? Ito ba ay pagkakaiba lamang sa paniniwalang panrelihiyon? Hindi. Hindi kinikilala ng mga walang pankanampalataya ang Diyos, at sa partikular, hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos. Pinatutunayan nito na tumututol sa katotohanan ang lahat ng walang pankanampalataya at kinamumuhian nila ang katotohanan. Ito ba ay isang katunayan, halimbawa, na ang tao ay nilikha ng Diyos? Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Ano ang saloobin ng mga tao na nananalig sa Diyos kapag naririnig nila ito? Lubos nila itong kinikilala at pinananaligan. Tinatanggap nila ang katunayang ito, ang katotohanang ito, bilang pundasyon ng pananampalataya nila sa Diyos—ito ang ibig sabihin ng pagtanggap sa katotohanan. Nangangahulugan ito na tinatanggap natin, sa kaibuturan ng ating puso, ang katunayan ng paglikha ng Diyos sa tao, ikinasisiya sa pagiging isang nilikha, taos-pusong tinatanggap ang gabay at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at kinikilala na ang Diyos ay ang ating Diyos. At ano ang saloobin ng mga hindi nananalig sa Diyos kapag naririnig nila na “Ang tao ay nilikha ng Diyos”? (Hindi nila ito tinatanggap o kinikilala.) Bukod sa hindi pagkilala rito, ano ang kanilang reaksyon? Kukutyain ka pa nila, ginagawa ang lahat ng kaya nilang gawin para subuking gamitin ito laban sa iyo, pinagtatawanan at pinagkakatuwaan ka, titingnan ka ng may paghamak, at bubuntunan ng lait ang mga salitang ito at ang katunayang ito. Maaari pa nga silang magkaroon ng saloobin ng pangungutya, panunuya, panghahamak, at pagkamapanlaban sa lahat ng kumikilala sa mga salitang ito. Hindi ba’t ito ay pagiging tutol sa katotohanan? (Oo.) Namumuhi ka ba sa kanila kapag nakikita mo ang gayong mga tao? Ano sa palagay mo? Iniisip mo, “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Iyan ay isang katunayan. Ito ay hindi mapapasubaliang totoo. Hindi mo ito tinatanggap, hindi mo kinikilala ang mga pinagmulan mo, ikaw ay tunay na walang utang na loob, ikaw ay walang konsensiya at taksil. Ikaw ay talagang kauri ni Satanas!” Ito ba ang iniisip mo? (Oo.) At bakit ganito ka mag-isip? Ganito ka ba mag-isip dahil lang hindi nila gusto ang pahayag na ito? (Hindi.) At ano ang nagdudulot para ang gayong mapagtutol na mentalidad ay lumabas sa iyo? (Ito ay dahil sa saloobin nila sa katotohanan.) Hindi magiging napakalaki ng galit mo kung iginalang nila ang mga salitang ito bilang mga ordinaryong salita, bilang isang teorya o relihiyosong paniniwala. Ngunit kapag nakikita mong lumalabas sa kanila ang pagtaboy, pagkontra, at panlalait, kapag nakikita mo silang naglalabas ng mga salita, saloobin, at disposisyon na sinisira ang pagpapahayag na ito ng katotohanan, nagagalit ka. Ganoon ba iyon? Bagamat hindi nananalig sa Diyos ang ilang tao, iginagalang nila ang pananampalataya ng iba, at hindi nila sinusubukan na sirain ang mga usapin ng pananampalataya na sinambit ng iba. Wala kang anumang pagtutol o pagkasuklam sa kanila, at kaya mo pa ring makipag-kaibigan sa kanila at mamuhay nang payapa kasama nila. Hindi kayo magiging magkaaway. Sa katunayan, may maliit na bilang ng mga walang pankanampalataya na kaya mong makasundo. Bagamat hindi nila kayang tanggapin ang tunay na daan at maging mga miyembro ng sambahayan ng Diyos, kaya mo pa rin silang pakisamahan at magkaroon ng mga pakikipag-ugnayan sa kanila. Kahit paano ay mayroon silang konsensiya at katwiran. Hindi sila nagpaplano laban sa iyo at hindi ka nila pagtataksilan, kaya maaari kang makisama sa kanila. Sa mga sumusubok na sirain ang katotohanan—sa mga tutol sa katotohanan—nakakaramdam ka ng galit sa puso mo. Maaari mo ba silang maging kaibigan? (Hindi.) Bukod sa pagiging hindi nila kaibigan, ano pa ang iniisip mo sa kanila? Kung papipiliin ka kung paano mo sila itatrato, paano mo sila itatrato? Sasabihin mo, “Ang tao ay nilikha ng Diyos. Iyan ay isang katunayan, iyan ang katotohanan, at anong dakila at banal na bagay iyan! Hindi lang sa hindi mo ito tinatanggap, sinusubukan mo rin itong sirain—wala ka talagang konsensiya! Kung binigyan ako ng kapangyarihan ng Diyos, susumpain kita, sasaktan kita, gagawin kitang abo!” Iyan ba ang damdamin mo? (Oo.) Ito ay isang pagpapahalaga sa katarungan. Ngunit kapag nakikita mo na sila ay mga diyablo, ang makatwirang bagay ay ang huwag mo silang pansinin, ang lumayo sa kanila. Kapag kinakausap ka nila, ayos lang na magpanggap na nakikinig ka sa kanila. Ito ang mainam na gawin. Ngunit sa kaibuturan, alam mong ikaw ay nasa ibang landas kaysa sa gayong mga tao. Hindi sila kailanman maaaring magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, kailanman ay hindi nila lubos na tatanggapin ang katotohanan. Kahit na manalig nga sila sa Diyos, hindi Niya sila gugustuhin. Itinatanggi at nilalabanan nila ang Diyos, sila ay mga hayop, sila ay mga diyablo, hindi nila sinusundan ang landas na tulad ng sa atin. Ayaw ng mga mayroong tunay na pananampalataya sa Diyos na magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga diyablo. Ayos lang sila kapag hindi sila nakakakita ng kahit anong diyablo, ngunit kapag nakakakita sila, agad nilang nilalabanan ang mga ito. Mapapayapa lang ang puso nila kung kailanman ay hindi na sila makakakita ng mga demonyo. Palaging nagsasalita ang ilang tao sa mga walang pananampalatayang diyablo tungkol sa mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ang mga pinakahangal na tao. Hindi nila alam ang pinagkaiba ng mga taga-loob at ng mga taga-labas, sila ay mga nabubulol na hangal na walang nauunawaang anuman. Maililigtas ba ng Diyos ang mga tao na may kakayahan sa gayong mga kakatwang bagay? Tiyak na hindi. Ang mga tao na palaging may mga pakikipag-ugnayan sa mga diyablo ay mga hindi mananampalataya. Sila ay tiyak na hindi mula sa sambahayan ng Diyos, at sa malao’t madali, kailangan nilang bumalik kay Satanas. Hindi nakikilatis ng ilang tao kung sino ang kapatid at kung sino ang isang walang pankanampalataya. Sila ang mga taong pinakamagulo ang isip. Sinasabi nila sa mga hindi mananampalataya at sa mga diyablo ang mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos. Ito ay gaya ng pagtatapon ng mga perlas sa mga baboy at pagbibigay sa mga aso ng kung ano ang banal. Ang mga hindi mananampalatayang ito at mga diyablo ay gaya ng mga baboy at aso, sila ay nakabilang sa mga hayop. Kung tinatalakay mo sa kanila ang mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos, ikaw ay lalabas na isang hangal. Pagkatapos nila itong marinig, kaswal nilang sisiraan ang sambahayan ng Diyos at ang katotohanan. Kung gagawin mo ito, bibiguin mo ang Diyos at magkakaroon ka ng utang sa Diyos. Ang mga pangyayari sa sambahayan ng Diyos ay hindi dapat talakayin kahit kailan sa mga hindi mananampalataya at mga diyablo. Ang mga tao ay inis, mapanlaban, at ayaw makipag-ugnayan sa mga ayaw sa katotohanan, mga tutol sa katotohanan, o sumisira ang katotohanan, kaya ano sa palagay mo ang nararamdaman ng Diyos? Ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng Diyos, ang mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang buhay ng Diyos, at ang diwa ng Diyos ayon sa ipinahayag Niya ay pawang mga katotohanan. Ang isang tao na tutol sa katotohanan ay, walang duda, isang tao na sumasalungat sa Diyos at isang kaaway ng Diyos. Ito ay higit pa sa usapin ng pagiging hindi magkaayon sa Diyos. Para sa mga taong gaya ng mga ito, napakalaki ng poot ng Diyos.

Kayong lahat ay mayroon ng pundasyon ngayon kahit papaano, at maibibilang na kayo bilang mga miyembro ng sambahayan ng Diyos. Dapat ninyong masigasig na hangarin ang katotohanan, at sa proseso ng pagganap ninyo sa inyong mga tungkulin, palaging suriin ang mga sarili ninyong salita at gawa, suriin ang iba’t ibang kalagayan ninyo, at sikaping magkamit ng ilang pagbabago sa inyong disposisyon. Ito ay isang mahalagang bagay. Pagkatapos, magagawa ninyong tunay na makalapit sa harap ng Diyos. Kahit papaano, dapat mong magawa na tanggapin ka ng Diyos. Kung hindi mo kayang maabot ang antas ni Job at wala ka ng mga kuwalipikasyon na magbubunsod sa Diyos para personal Siyang makipagpustahan kay Satanas para subukin ka, kahit paano ay maaari kang mamuhay sa liwanag ng Diyos sa pamamagitan ng mga kilos at pag-asal mo, at aalagaan at poprotektahan ka ng Diyos, at kikilalanin ka Niya bilang isa sa mga tagasunod Niya at isang miyembro ng Kanyang sambahayan. Bakit ganito? Dahil simula nang kilalanin mo ang Diyos at manalig ka sa Kanya, palagi mong hinahanap kung paano sumunod sa landas ng Diyos. Dahil nalulugod ang Diyos sa pag-uugali mo at sa sinseridad mo, inakay ka Niya sa Kanyang sambahayan para tumanggap ng pagsasanay, para mapungusan, at para tumanggap ng Kanyang pagliligtas. Anong dakilang pagpapala! Simula sa pagiging isang tao na nasa labas ng sambahayan ng Diyos na walang alam tungkol sa Diyos o sa katotohanan, tinanggap mo ang unang pagsubok ng Diyos, at pagkatapos mo itong maipasa, personal kang inakay ng Diyos sa Kanyang sambahayan, dinala ka sa harapan Niya, pinagkatiwalaan ng isang atas, nagsaayos ng mga tungkulin para gampanan mo, at hinayaan kang gumanap ng ilang tungkulin ng tao sa loob ng plano ng pamamahala ng Diyos. Bagamat ito ay ilang tagong gawain, kung tutuusin, nasa iyo ang pag-aalaga at proteksyon ng Diyos at tumanggap ka ng isang pangako mula sa Diyos. Ang pagpapalang ito ay sapat na sapat. Isasantabi natin ang makoronahan at magantimpalaan sa susunod na mundo, at magsasalita lamang ng kung ano ang maaaaring tamasahin ng mga tao sa buhay na ito—ang mga katotohanang naririnig mo, ang biyaya, habag, alaga at proteksyon ng Diyos na tinatamasa mo, maging ang iba’t ibang uri ng pagdidisiplina at pagtutuwid na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at ang probisyon ng lahat ng katotohanang ito na ibinibigay ng Diyos sa tao—sabihin mo sa Akin, gaano karami ang tinatanggap mo? Sa huli, bukod sa pag-unawa sa mga katotohanang ito, lubos ka ring ililigtas ng Diyos mula sa kampo ni Satanas, para magawa mong magbago tungo sa isang tao na kilala ang Diyos, tinataglay ang katotohanan bilang buhay mo, at may silbi sa sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong malaking pagpapala? (Malaki ito.) Ito ang pangako ng Diyos. Pagkatapos kang dalhin ng Diyos sa Kanyang sambahayan, sinasabi Niya sa iyo, “Ikaw ay pinagpala. Sa pagpasok sa iglesia, may pag-asa ka na maligtas.” Maaaring hindi mo alam kung ano ang nangyayari, ngunit sa katunayan, ibinigay na sa iyo ang pangako ng Diyos. Kasabay nito, ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay na ito para tuparin ang pangakong ito—pagkakaloob ng katotohanan, pagpupungos sa iyo, pagbibigay sa iyo ng mga tungkulin, at pagkakatiwala sa iyo ng mga atas—para lumago nang paunti-unti ang buhay mo, at ikaw ay magiging isang tao na nagpapasakop at sumasamba sa Diyos. Natanggap na ba ngayon ng mga tao ang pangakong ito? Matagal pa rin bago ang araw ng kaganapan at katuparan nito. Sa katunayan, tinanggap na ito ng ilan sa inyo, at ang ilan sa inyo ay mayroong determinasyon ngunit hindi pa ito natatanggap. Nakadepende ito sa kung mayroon ba kayong determinasyon na maarok ang pangakong ito at may kakayahang maisakatuparan ito. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay ibinibigay sa mga tao nang paunti-unti, sa tamang panahon, at sa tamang sukat. Kailanman ay walang anumang pagkakamali, kaya hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa pagiging hangal, mahinang kakayahan, bata, o dahil sandaling panahon ka pa lang nananalig sa Diyos. Huwag mong hayaang makaapekto ang mga obhetibong dahilan na ito sa iyong buhay pagpasok. Anuman ang sinasabi ng Diyos, una, hinahayaan nito ang mga tao na malaman at masukat ang kanilang aktuwal na tayog at kakayahan at malaman ang sarili nilang kakayanan. Pangalawa, sa positibong aspekto, binibigyan nito ang mga tao ng mas malalim na pang-unawa sa katotohanan at hinahayaan silang pumasok sa katotohanang realidad at gampanan ang mga tungkulin nila nang maayos para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Ang mga ito ang mga layunin ng mga salita ng Diyos. Ang makamit ang mga bagay na ito ay talagang napakasimple lang. Basta’t may puso kang nagmamahal sa katotohanan, walang paghihirap. Ano ang pinakamalaking paghihirap para sa mga tao? Ito ay ang tutol ka sa katotohanan at hindi mo talaga mahal ang katotohanan. Ito ang pinakamalaking paghihirap. Kinapapalooban ito ng problema ng kalikasan. Kung hindi ka tunay na nagsisisi, maaari itong magbunga ng problema. Kung tumututol ka sa katotohanan, at palagi mong sinisiraan ang katotohanan at hinahamak ito, kung taglay mo ang ganitong uri ng kalikasan, hindi ka madaling magbabago. Kahit na magbago ka, kailangan pa ring makita kung ang saloobin ng Diyos ay magbabago. Kung ang ginagawa mo ay makakapagpabago ng saloobin ng Diyos, may pag-asa ka pa ring maligtas. Kung hindi mo mababago ang saloobin ng Diyos, at sa kaibuturan ng puso ng Diyos, matagal na Siyang tutol sa diwa mo, wala kang pag-asa ng kaligtasan. Samakatuwid, dapat ninyong suriin ang sarili ninyo. Kung ikaw ay nasa kalagayang tumututol sa katotohanan at nilalabanan mo ang katotohanan, ito ay napakamapanganib. Kung madalas kang nagkakaroon ng gayong kalagayan, madalas na nahuhulog sa gayong kalagayan, o kung ikaw ay pangunahing ganitong uri ng tao, mas lalo pa itong problema. Kung ikaw ay paminsan-minsang nasa kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan, una, maaaring dulot ito ng iyong mababang tayog; pangalawa, ang mismong tiwaling disposisyon ng tao ay nagtataglay ng ganitong uri ng diwa, na hindi maiiwasang humahantong sa ganitong kalagayan. Gayunpaman, hindi kinakatawan ng ganitong kalagayan ang diwa mo. Minsan, ang isang panandaliang emosyon ay maaaring magbunga ng isang kalagayan na nagdudulot sa iyo para tumutol sa katotohanan. Ito ay pansamantala lang. Hindi ito dulot ng diwa ng iyong disposisyong diwa na tutol sa katotohanan. Kung ito ay isang pansamantalang kalagayan, mababaligtad ito, ngunit paano mo ito babaliktarin? Kailangan mong agad na lumapit sa harapan ng Diyos para hanapin ang katotohanan sa aspektong ito at magkaroon ng kakayahan na kilalanin ang katotohanan, at magpasakop sa katotohanan at sa Diyos. Pagkatapos ay nalutas na ang kalagayang ito. Kung hindi mo ito nilulutas at hinahayaan mo itong magpatuloy nang magpatuloy, ikaw ay nasa panganib. Halimbawa, sinasabi ng ilang tao: “Sabagay, mahina ang kakayahan ko at hindi ko nauunawaan ang katotohanan, kaya titigil na ako sa paghahangad nito, at hindi ko na rin kailangang magpasakop sa Diyos. Paano nagawang ibigay sa akin ng Diyos ang kakayahang ito? Hindi matuwid ang Diyos!” Itinatanggi mo ang pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ba’t iyan ay pagiging tutol sa katotohanan? Ito ang saloobin ng pagiging tutol sa katotohanan at isang pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Mayroong konteksto sa kaganapan ng pagpapamalas na ito, kaya kinakailangan na malutas ang konteksto at ugat na dahilan ng kalagayang ito. Sa oras na ang ugat na dahilan ay nalutas, maglalahong kasama nito ang kalagayan mo. Ang ilang kalagayan ay gaya ng isang sintomas, gaya ng ubo, na maaaring sanhi ng sipon o pulmonya. Kung ginagamot mo ang sipon o pulmonya, gagaling din ang ubo. Kapag ang ugat na dahilan ay nalutas, maglalaho ang mga sintomas. Ngunit ang ilang kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan ay hindi isang sintomas, kundi isang tumor. Ang ugat na dahilan ng karamdaman ay nasa loob. Maaaring hindi ka makakita ng anumang sintomas sa pagtingin sa labas, ngunit sa oras na magkaroon ng karamdaman, ito ay nakamamatay. Ito ay isang napakaseryosong problema. Kailanman ay hindi tinatanggap o kinikilala ng gayong mga tao ang katotohanan, o palagi pa ngang sinisiraan ang katotohanan gaya ng mga walang pankanampalataya. Kahit na hindi nila binibigkas ang mga salita, patuloy nilang sinisiraan, tinatanggihan, at pinabubulaanan ang katotohanan sa kanilang puso. Kahit alinmang katotohanan—ito man ay pagkakilala sa sarili, pagkilala sa tiwaling disposisyon ng isang tao, pagtanggap sa katotohanan, pagpapasakop sa Diyos, hindi paggawa ng mga bagay-bagay sa isang pabasta-bastang paraan, o pagiging isang tapat na tao—hindi nila tinatanggap, inaamin, o binibigyan ng atensyon ang alinmang aspekto ng katotohanan, o pinabubulaanan at sinisiraan pa nga ang lahat ng aspekto ng katotohanan. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan, ito ay isang uri ng diwa. Anong uri ng wakas ang kahahantungan ng diwang ito? Ang itaboy at itiwalag ng Diyos, at pagkatapos ay mamatay. Ang mga kahihinatnan ay napakaseryoso.

Nakatulong ba sa inyo ang pagbabahagi ngayon tungkol sa mga bagay na ito? (Oo. Alam ko kung ano ang mabuting kakayahan at ang masamang kakayahan, at mayroon akong kaunting tunay na kaunawaan sa sarili kong kakayahan, at kaya kong sukatin nang tama ang sarili ko kapag nangyayari sa akin ang mga bagay-bagay. Hindi ako magiging mapagmataas at mag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba, kundi gagampanan ko ang aking tungkulin sa isang mapagpakumbabang paraan.) Kahit anong aspekto pa ng katotohanan ang pagbahaginan natin, makakatulong ito sa inyong buhay pagpasok. Kung kaya ninyong tanggapin ang mga salitang ito at gamitin ang mga ito sa inyong pang-araw-araw na buhay, ang sinabi ko ay hindi mauuwi sa wala. Sa tuwing nauunawaan ninyo ang kaunting katotohanan, magiging mas tama ang paggawa ninyo sa mga bagay-bagay, at mabubuksan nang medyo mas malawak ang inyong landas. Kung alam ninyo ang kaunting katotohanan at hindi ninyo nauunawaan nang malinaw ang aktuwal ninyong tayog at kakayahan, palagi kayong magiging mali sa paggawa sa mga bagay-bagay, palaging sobra ang pagkalkula sa inyong sarili at sinusuri nang napakataas ang sarili ninyo, at ginagawa ang mga bagay-bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ngunit nang hindi nalalaman, sa halip ay iniisip ninyo na kayo ay kumikilos batay sa katotohanan. Ituturing ninyo ang mga kuru-kuro at imahinasyon na ito bilang mga katotohanang prinsipyo. Ang paglihis sa mga bagay na ginagawa ninyo ay magiging labis na malaki. Kung ang mga kuru-kuro, imahinasyon, kaalaman, at pagkakatuto ng tao ay nangingibabaw sa puso ng mga tao, hindi nila hahanapin ang katotohanan. Kung ang katotohanan ay magiging pangalawa, pangatlo, o panghuli pa nga sa puso mo, kung gayon ano ang may kapangyarihan sa iyo? Ito ang iyong satanikong disposisyon at mga kuru-kuro, pilosopiya, kaalaman, at pagkakatuto ng tao. Ang mga bagay na ito ang may kataas-taasang kapangyarihan sa iyo, kaya ang gawaing ginagawa ng Diyos sa iyo ay hindi magiging epektibo. Kung ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ay hindi mo naging buhay sa kalooban mo, malayo ka pa rin sa pagiging ligtas. Hindi ka nakatungtong sa landas ng kaligtasan. Iniisip mo ba na ang puso ng Diyos ay hindi nababahala? Gaano kalaking habag ang dapat ipakita ng Diyos sa iyo upang ilagay ka sa landas ng kaligtasan? Kung kaya ninyong tumakas sa tradisyonal na kultura at kaalaman at satanikong pilosopiya, matutong sukatin ang lahat ng bagay na ito sa pamamagitan ng katotohanan batay sa mga salita ng Diyos, gamitin ang mga katotohanang prinsipyo bilang mga pamantayan sa pagsubaybay sa mga bagay-bagay, at gampanan ang mga tungkulin ninyo nang maayos, kayo ay tunay na magiging isang tao na taglay ang katotohanang realidad, isang tao na may kakayahang mamuhay nang mag-isa. Sa kasalukuyan, wala kayo sa antas na ito, malayo pa kayo rito. Mayroon lang kayong munting buhay, at kailangan pa rin ninyong mamuhay sa habag, pagmamahal, at pagpaparaya ng Diyos. Ang ibig sabihin nito ay masyadong mababa ang tayog ninyo. Kung bibigyan ka ng isang gawain, magagawa mo ba itong tapusin nang nag-iisa? Magagawa mo ba nang maayos ang trabaho? Kung guguluhin mo ang mga bagay-bagay, ito ay paglaban at pagpapahiya sa Diyos. Kung nagawa mo ang kalahati ng trabaho mo, ngunit umalis ka para magsaya, hindi ba’t nagpapakita ito na ikaw ay hindi masyadong matatag? Nagpapakita ito na ikaw ay hindi maaasahang manggagawa at na hindi mo ginagawa nang maayos ang trabaho mo. Palagi mong kailangan ng mga tao na magbabantay at mangangasiwa sa iyo kung gagawin mo ang tungkulin mo. Ang ilang tao na nasa edad na 30 at 40 ay taglay pa rin ang ganitong karakter. Tapos na ang lahat sa kanila. Wala silang matutupad na kahit ano sa buhay nila. Kung ikaw ay nasa edad 20 at nananalig pa lang sa Diyos sa loob ng dalawa o tatlong taon, mapapatawad ka sa pagiging isang tao na mababa ang tayog. Ang kawalan ng katatagan, hindi maaasahan, palaging kailangang bantayan, protektahan, paalalahanan, payuhan, at gabayan ng Diyos, palaging nangangailangan na matamasa ang mga biyayang ito ng Diyos, nabubuhay sa pamamagitan ng pagsandig sa mga biyayang ito, at walang kakayahang gumawa nang wala ang alinman sa mga bagay na ito, ito ay pagiging napakababa ng tayog. Kayo ay nasa kondisyong ito ngayon. Kung ang mga bagay-bagay ay hindi lubos na lilinawin sa inyo, minsan ay makakagawa kayo ng pagkakamali at magugulo ang inyong trabaho. Kung mayroong anumang maliit na bagay na hindi naipaliwanag sa inyo, maliligaw kayo, na isang palagiang alalahanin para sa iba. Sa panlabas, lahat kayo ay nasa hustong gulang, ngunit sa katunayan, wala kayong masyadong buhay sa inyong mga espiritu. Bagamat mayroon kayong kalooban at sinseridad na gampanan ang inyong mga tungkulin, at mayroon din kayong kaunting tunay na pananampalataya, napakaliit ng nauunawaan ninyo tungkol sa katotohanan. Sa pagganap sa inyong tungkulin, kayo ay lubos na nakasandig sa biyaya, mga pagpapala, gabay, at mga paalala ng Diyos para magpatuloy. Anumang kulang at hindi ito magiging tama. Kaya, aling aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang naipapamalas sa inyo? Ang Kanyang masaganang habag, at siyempre ito ang prinsipyo ng gawain ng Diyos. Bakit hindi pa rin ninyo natatamasa ang mga pagsubok at pagpipino ng Diyos? Ito ay dahil hindi kayo nagtataglay ng gayong tayog. Napakaliit ng inyong tayog, napakaliit ng nauunawaan ninyo sa katotohanan, hindi ninyo naaabot ang kalaliman ng anuman, nalilito kayo kapag nahaharap sa mga paghihirap, hindi ninyo alam kung saan magsisimula, palagi ninyong pinag-aalala ang mga tao, at, kahit anong tungkulin ang ginagampanan ninyo, kailangan kayong turuan ng ibang tao na gawin ito nang paunti-unti, na nangangailangan ng sobrang pagsisikap sa panig ng iba. Kailangang ipaliwanag ang lahat sa inyo at ulitin nang higit sa isang beses, kung hindi, hindi ito magiging maayos. Kailangang sabihin ang mga ordinaryong bagay nang dalawa o tatlong ulit, ngunit pagkaraan ng ilang sandali, makakalimot kayo at kailangan itong ulitin nang maraming ulit pa. Anong uri ng tao ito? Ito ay isang taong magulo ang isip na hindi inilalagay ang puso o isip niya sa ginagawa niya, at na hindi kuwalipikado na magtrabaho. Mauunawaan ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Tiyak na hindi magiging madali para sa kanila na maunawaan ang katotohanan dahil napakahina ng kakayahan nila at hindi nila kayang umangat sa antas ng katotohanan. Ang ilang tao ay maliit ang tayog, ngunit kaya nilang matuto ng isang bagay pagkatapos nila itong madaanan ng isa, dalawa, o tatlong beses. Kung kaya nilang intindihin, unawain, at arukin ang katotohanan pagkatapos marinig ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan, sila ay mga taong may kakayahan. Hindi malaking problema ang magkaroon ng kakayahan kundi ang maging maliit ang tayog. Ito ay nauugnay lang sa lalim ng karanasan ng gayong mga tao, at ito ay direktang nauugnay sa lalim ng kanilang pag-unawa sa katotohanan. Pagkatapos ng mas maraming karanasan at mas malalim na pag-unawa sa katotohanan, ang tayog nila ay likas na lalago.

Marso 2, 2019

Sinundan: Mahalaga na Itama ang Relasyon sa Pagitan ng Tao at ng Diyos

Sumunod: Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito