6. Bakit sinasabi na ginagawang ganap ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao?

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Ay gayon din naman si Cristo; na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa’y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa Kanya” (Mga Hebreo 9:28).

“Nang pasimula Siya ang Daan, at ang Daan ay sumasa Diyos, at ang Daan ay Diyos” (Juan 1:1).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ang unang pagkakatawang-tao ay upang tubusin ang tao mula sa kasalanan, upang tubusin ito sa pamamagitan ng katawang-tao ni Jesus, na ang ibig sabihin ay iniligtas Niya ang tao mula sa krus, ngunit ang mga satanikong tiwaling disposisyon ay nanatili pa rin sa loob ng tao. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay hindi na upang magsilbing handog para sa kasalanan kundi upang lubos na iligtas ang mga tinubos mula sa kasalanan. Ito ay ginagawa upang iyong mga pinatawad na ang mga kasalanan nila ay mapalaya mula sa kasalanan at lubos na madalisay, at magkamit ng pagbabago sa disposisyon, at sa gayon ay makawala sila sa impluwensiya ng kadiliman ni Satanas at makabalik sa harap ng luklukan ng Diyos. Tanging sa paraang ito maaaring lubos na mapabanal ang tao. Pagkatapos magwakas ang Kapanahunan ng Kautusan, at simula sa Kapanahunan ng Biyaya, sinimulan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas, na nagpapatuloy hanggang sa mga huling araw, kung kailan ginagampanan ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga tao dahil sa kanilang paghihimagsik, sa gayon ay ganap na dinadalisay ang sangkatauhan. Pagkatapos lamang nito wawakasan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas at papasok sa kapahingahan. Samakatwid, sa tatlong yugto ng gawain, dalawang beses lamang nagkatawang-tao ang Diyos upang maisagawa Niya Mismo ang Kanyang gawain sa tao. Iyon ay dahil isa lamang sa tatlong yugto ng gawain ang gagabay sa mga tao sa kanilang pamumuhay, habang ang dalawa pang iba ay binubuo ng gawain ng pagliligtas. Sa pamamagitan lamang ng pagkakatawang-tao maaaring mamuhay ang Diyos na kasama ng tao, maranasan ang paghihirap ng mundo, at mamuhay sa isang normal na katawan ng laman. Sa ganitong paraan lamang Niya matutustusan ang mga tao ng praktikal na Salita na kailangan nila bilang mga nilikha. Sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos nakakatanggap ang tao ng lubos na kaligtasan mula sa Diyos, at hindi direktang mula sa langit bilang kasagutan sa mga panalangin nito. Ang tao ay laman at dugo, wala itong paraan na makita ang Espiritu ng Diyos, at lalong hindi nito malalapitan ang Kanyang Espiritu, kaya ang tanging makakaugnayan nito ay ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Sa pamamagitan lamang nito mauunawaan ng tao ang lahat ng Salita at lahat ng katotohanan at matatanggap ang lubos na kaligtasan. Ang ikalawang pagkakatawang-tao ay sapat na upang alisin sa tao ang kanyang mga kasalanan at lubos siyang dalisayin. Samakatwid, sa ikalawang pagkakatawang-tao, magtatapos ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao at makokompleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay ang anak ni David, at nagsabi na Siya ay isang dakilang propeta, ang maawaing Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananalig, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang mga satanikong tiwaling disposisyon na malalim na nakaugat sa loob niya, hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ang mga ito. Ang tao ay nakatanggap ng masaganang biyaya, tulad ng kapayapaan at kaligayahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at ang kanyang maka-Diyos na pagpapamalas; kung ang isang tao ay kayang mamuhay batay sa mga ito, siya ay itinuturing na isang mananampalatayang pasok sa pamantayan. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatwid, matapos na makompleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayon ay bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang isiwalat ang mga tiwaling disposisyon ng tao, at upang makapagsagawa ang tao alinsunod sa angkop na daan. Ang gawain ng yugtong ito ay mas makabuluhan kaysa sa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos para sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas higit na lubusan. Samakatwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nakompleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na natapos ang plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Hindi tinapos ng Diyos sa una Niyang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagkakatawang-tao; tinapos lamang Niya ang unang hakbang ng gawain na dapat gawin ng Diyos sa katawang-tao. Kaya, upang matapos ang gawain ng pagkakatawang-tao, minsan pang nagbalik sa katawang-tao ang Diyos, isinasabuhay ang lahat ng pagiging normal at pagiging praktikal ng katawang-tao, ibig sabihin, ipinapamalas ang Daan ng Diyos sa isang katawang-tao na napakanormal at napakaordinaryo, sa gayon ay tinatapos ang gawaing hindi pa Niya natatapos sa katawang-tao. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay may diwa na pareho sa diwa ng nauna, ngunit higit na mas praktikal Siya, higit na mas normal kaysa sa nauna. Dahil dito, ang pagdurusang tinitiis ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay higit kaysa sa pagdurusa ng nauna, ngunit ang pagdurusang ito ay resulta ng Kanyang ministeryo sa katawang-tao, na iba sa pagdurusa ng taong nagawang tiwali. Nagmumula rin ito sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Kanyang katawang-tao. Dahil isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo sa katawang-tao na lubos na normal at praktikal, kailangang magtiis ng matinding pagdurusa ang katawang-tao. Kapag mas normal at praktikal ang katawang-tao, mas magdurusa Siya sa pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Ang gawain ng Diyos ay ipinapahayag sa napakakaraniwang katawang-tao, nang walang anumang pagiging higit-sa-karaniwan. Dahil normal ang Kanyang katawang-tao at kailangan din nitong balikatin ang gawain ng pagliligtas ng tao, nagdurusa Siya nang mas matindi pa kaysa sa pagdurusa ng higit-sa-karaniwang katawang-tao—at lahat ng pagdurusang ito ay nagmumula sa pagiging praktikal at pagiging normal ng Kanyang katawang-tao. Mula sa pagdurusang napagdaanan ng dalawang nagkatawang-taong laman habang isinasagawa ang Kanilang mga ministeryo, makikita ng isang tao ang diwa ng nagkatawang-taong laman. Kapag mas normal ang katawang-tao, mas matinding pagdurusa ang kailangan Niyang tiisin habang ginagawa ang gawain; kapag mas praktikal ang katawang-taong gumagawa ng gawain, mas tumitindi ang mga kuru-kuro ng tao, at mas malaki ang sinusuong niyang panganib. Subalit, kapag mas praktikal ang katawang-tao, at mas taglay ng katawang-tao ang mga pangangailangan at ganap na katwiran ng isang normal na tao, mas may kapabilidad Siyang pasanin ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Si Jesus ay ipinako sa krus sa pamamagitan ng katawang-tao, at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan sa pamamagitan ng katawang-tao, ibig sabihin, sa pamamagitan ng isang katawang-taong may normal na pagkatao na ginapi Niya si Satanas at ganap na iniligtas ang tao mula sa krus. Sa pamamagitan ng isang ganap na katawang-tao na isinasagawa ng pangalawang nagkatawang-taong Diyos ang gawain ng panlulupig at tinatalo si Satanas. Ang isang katawang-tao lamang na ganap na normal at praktikal ang makakapagsagawa sa gawain ng panlulupig sa kabuuan nito at ang makapagbibigay ng isang makapangyarihang patotoo. Ibig sabihin, ang paglupig sa tao ay nakakamit ang epekto nito sa pamamagitan ng pagiging praktikal at pagiging normal ng Diyos sa katawang-tao, hindi sa pamamagitan ng higit-sa-karaniwang mga himala at paghahayag. Ang ministeryong isinasagawa ng Diyos na nagkatawang-taong ito ay ang magsalita, at sa pamamagitan ng pagsasalita Niya nilulupig at pineperpekto ang tao; sa madaling salita, ang gawain ng Espiritu na naisakatuparan sa katawang-tao ay ang magsalita at ang gawain ng katawang-tao ay ang magsalita, nang sa gayon ay nakakamit ang layon ng ganap na panlulupig, pagbubunyag, pagpeperpekto, at pagtitiwalag sa mga tao. At kaya, sa gawain ng panlulupig ganap na maisasakatuparan ang gawain ng Diyos sa katawang-tao. Ang gawain ng pagbabayad para sa mga kasalanan ng tao na ginampanan noong una ay simula lamang ng gawain ng pagkakatawang-tao; tanging ang katawang-taong nagsasagawa ng gawain ng panlulupig ang tatapos sa buong gawain ng pagkakatawang-tao. … Sa yugtong ito ng gawain, hindi nagsasagawa ng mga tanda at himala ang Diyos, para makamit ng gawain ang mga resulta nito sa pamamagitan ng mga salita. Bukod pa riyan, ito ay dahil ang gawain ng nagkatawang-taong Diyos sa pagkakataong ito ay hindi ang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi upang lupigin ang tao sa pamamagitan ng pagsasalita, na ibig sabihin ay na ang mga likas na abilidad na taglay ng nagkatawang-taong laman na ito ng Diyos ay ang sumambit ng mga salita at lupigin ang tao, hindi para magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo. Ang Kanyang gawain sa normal na pagkatao ay hindi ang gumawa ng mga tanda, hindi upang magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, kundi ang magsalita, kaya ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay mukhang mas normal sa mga tao kaysa sa una. Sa paningin ng mga tao, naging tao nga ang Diyos. Gayumpaman, iba itong Diyos na nagkatawang-tao kay Jesus na nagkatawang-tao, at kahit pareho Silang Diyos na nagkatawang-tao, hindi Sila lubos na magkapareho. Si Jesus ay nagtaglay ng normal na pagkatao, ordinaryong pagkatao, ngunit sinusundan Siya ng maraming tanda at himala. Sa Diyos na ito na nagkatawang-tao, ang mga mata ng tao ay walang makikitang mga tanda o himala, walang pagpapagaling ng maysakit ni pagpapalayas ng mga demonyo, ni paglakad sa ibabaw ng dagat, ni pag-aayuno sa loob ng apatnapung araw…. Hindi Niya ginagawa ang gawaing pareho sa ginawa ni Jesus, hindi dahil, sa diwa, ang Kanyang katawang-tao ay iba kaysa kay Jesus, kundi dahil hindi ang pagpapagaling ng maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang Kanyang ministeryo. Hindi Niya sinisira ang Kanyang sariling gawain, hindi Niya ginugulo ang Kanyang sariling gawain. Dahil nilulupig Niya ang tao sa pamamagitan ng Kanyang praktikal na mga salita, hindi na kailangan pang supilin ang tao gamit ang mga tanda, kaya ang yugtong ito ay upang tapusin ang gawain ng pagkakatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Bakit Ko sinasabi na hindi nakompleto ang kahulugan ng pagkakatawang-tao sa gawain ni Jesus? Dahil ang Daan ay hindi lubos na naging tao. Ang ginawa ni Jesus ay isang bahagi lamang ng gawain ng Diyos sa katawang-tao; ginawa lamang Niya ang gawain ng pagtubos, at hindi Niya ginawa ang gawain ng lubusang pagkamit sa tao. Dahil dito, minsan pang naging tao ang Diyos sa mga huling araw. Ang yugtong ito ng gawain ay ginagawa rin sa isang ordinaryong katawang-tao; isinasagawa ito ng isang lubos na normal na tao, isang tao na ang pagkatao ay hindi higit-sa-karaniwan ni katiting. Sa madaling salita, ang Diyos ay naging isang ganap na tao; Siya ay isang taong ang pagkakakilanlan ay sa Diyos, isang ganap na tao, isang ganap na katawang-tao, na nagsasagawa ng gawain. Nakikita ng mga mata ng tao ang isang katawang may laman na hindi higit-sa-karaniwan kahit kaunti, isang lubhang ordinaryong taong nakapagsasalita ng wika ng langit, na hindi nagpapakita ng mga tanda, hindi gumagawa ng mga himala, lalo nang hindi naglalantad ng tunay na kuwento sa likod ng relihiyon sa malalaking bulwagan ng pagpupulong. Para sa mga tao, ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay tila lubos na hindi kagaya ng sa una, at tila wala man lang anumang pagkakatulad ang dalawa—walang anumang nasa gawain ng nauna ang makikita sa pagkakataong ito. Bagama’t ang gawain ng pangalawang nagkatawang-taong laman ay iba kaysa sa una, hindi niyan pinatutunayan na ang pinagmulan Nila ay hindi iisa. Pareho man ang Kanilang pinagmulan ay depende sa kalikasan ng gawaing ginawa ng mga katawang-taong ito, at hindi sa Kanilang panlabas na anyo. Sa tatlong yugto ng Kanyang gawain, dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos, at sa parehong pagkakataon ay nagsisimula ng isang bagong kapanahunan ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, nagsisimula ng panibagong gawain; pinupunan ng mga pagkakatawang-tao ang isa’t isa. Imposibleng matukoy ng mga mata ng tao na ang dalawang katawang-tao ay talagang iisa ang pinagmulan. Siyempre, lagpas ito sa kapasidad ng mata ng tao o ng isipan ng tao. Ngunit sa Kanilang diwa, Sila ay iisa, sapagkat ang Kanilang gawain ay mula sa iisang Espiritu. Nagmumula man ang dalawang nagkatawang-taong laman sa iisang pinagmulan ay hindi mapagpapasyahan ng panahon o ng lugar kung saan Sila isinilang, o ng iba pang gayong mga salik, kundi sa pamamagitan ng gawain ng pagka-Diyos na Kanilang ipinahayag. Ang pangalawang nagkatawang-taong laman ay hindi nagsasagawa ng anuman sa gawaing ginawa ni Jesus, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa nakasanayan, kundi nagbubukas ng isang bagong daan sa bawat pagkakataon. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay hindi nilayong palalimin o patatagin ang impresyon sa isipan ng mga tao sa unang katawang-tao, kundi ang maging komplementaryo at magpabuti sa wangis ng unang katawang-tao sa kanilang mga isipan, palalimin ang pagkakilala ng tao sa Diyos, baliin ang lahat ng regulasyon na umiiral sa puso ng mga tao, at burahin ang mga walang-katotohanang wangis ng diyos sa kanilang puso. Masasabi na walang indibidwal na yugto ng sariling gawain ng Diyos ang makapagbibigay sa tao ng lubos na pagkakilala sa Kanya; bawat isa ay nagbibigay lamang ng isang bahagi, hindi ng kabuuan. Bagama’t ipinahayag na ng Diyos ang Kanyang buong disposisyon, dahil sa limitadong abilidad ng tao na makaarok, hindi pa rin kompleto ang kanyang pagkakilala sa Diyos. Imposible na ganap na maipaliwanag ang kabuuan ng disposisyon ng Diyos gamit ang wika ng tao. Kung gayon, paano pa lubos na maipapahayag ng iisang yugto ng Kanyang gawain ang Diyos? Siya ay gumagawa sa katawang-tao sa ilalim ng tabing ng Kanyang normal na pagkatao, at makikilala lamang Siya ng isang tao sa pamamagitan ng mga pagpapahayag ng Kanyang pagka-Diyos, hindi sa pamamagitan ng Kanyang panlabas na anyo. Pumaparito ang Diyos sa katawang-tao para tulutan ang tao na makilala Siya sa pamamagitan ng Kanyang iba’t ibang gawain, at hindi magkapareho ang lahat ng yugto ng Kanyang gawain. Sa ganitong paraan lamang maaaring magkaroon ang tao ng buong pagkakilala sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi ito limitahan sa isang partikular na saklaw.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Tinupad lamang ng yugto ng gawaing isinagawa ni Jesus ang diwa ng “ang Salita ay sumasa Diyos”: Ang katotohanan ng Diyos ay sumasa Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay sumasa katawang-tao at hindi maihihiwalay mula sa katawang-taong iyon. Ibig sabihin, ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay sumasa Espiritu ng Diyos, na mas malaking patunay na si Jesus na nagkatawang-tao ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain mismo ang tumutupad sa panloob na kahulugan ng “ang Salita ay nagkatawang-tao,” nagbibigay ng mas malalim na kahulugan sa “ang Salita ay sumasa Diyos, at ang Salita ay Diyos,” at tinutulutan ka na matibay na paniwalaan ang mga salitang “Nang pasimula Siya ang Salita.” Na ibig sabihin, sa panahon ng paglikha ay may taglay na mga salita ang Diyos, ang Kanyang mga salita ay sumasa Kanya at hindi maihihiwalay sa Kanya, at sa huling kapanahunan, ibinubunyag Niya nang mas lalong malinaw ang kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita, at tinutulutan ang tao na makita ang lahat ng Kanyang Salita—na marinig ang lahat ng Kanyang salita. Gayon ang gawain ng huling kapanahunan. Kailangan mong maunawaan ang mga bagay na ito nang lubus-lubusan. Hindi ito tungkol sa pagkilala sa katawang-tao, kundi kung paano mo nauunawaan ang katawang-tao at ang Salita. Ito ang patotoo na kailangan mong ibigay, ang kailangang malaman ng lahat. Sapagkat ito ang gawain ng ikalawang pagkakatawang-tao—at ang huling pagkakataon na magkakatawang-tao ang Diyos; sa madaling salita, kinokompleto nito ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao, lubus-lubusang isinasakatuparan at ipinapahayag ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao, at winawakasan ang panahon ng Diyos na nasa katawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (4)

Sinundan: 5. Bakit sinasabi na mas kailangan ng tiwaling sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos na naging tao?

Sumunod: 7. Paano dapat unawain ng isang tao na si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay?

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 3: Simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, Kapatid na Zhang, Kapatid na Xu, simula nang pag-aralan natin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, mas lalong kinokondena ng mga pastor at elder ng relihiyon ang Makapangyarihang Diyos, ginagawa nila ang lahat para hadlangan tayo sa pag-aaral ng totoong daan. Hindi ito naiba sa pagkalaban at pagkondena noon ng mga Judiong Fariseo sa Panginoong Jesus! Nag-iisip-isip ako nitong, bakit dalawang beses na nagpakita ang Diyos sa katawang-tao para gumawa at makalawang nakaharap ang pagkondena at pang-uusig ng lahat ng relihiyon at ng gobyernong ateista? Sa mga huling araw, nagpapakita at gumagawa ang Makapangyarihang Diyos para lamang ipahayag ang katotohanan, sa pagsasalita at paggawa para linisin at iligtas ang sangkatauhan. Bakit matindi ang galit kay Cristo ng mga relihiyon at ng gobyernong Komunista ng Tsina? na pinakikilos pa nila ang media corp at sandatahang puwersa ng pulisya para ikondena, lapastanganin, hulihin at patayin si Cristo? Dahil dito naaalala ko noong narinig ni Haring Herodes na ang Hari ng mga Judio, o ang Panginoong Jesus ay isinilang, ipinapatay niya ang lahat ng lalaking sanggol sa Bet-lehem na wala pang dalawang taong gulang. Mas gugustuhin niyang ipapatay ang libu-libong inosenteng mga sanggol kaysa hayaang mabuhay si Cristo. Noong dumating ang Diyos sa katawang-tao para sa kaligtasan ng sangkatauhan, bakit hindi tinanggap ng mga relihiyon at gobyerno ang Kanyang pagdating kundi galit na galit na kinondena at nilapastangan ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Bakit inubos niya ang kabuhayan ng buong bansa para lang maipako sa krus si Cristo? Bakit napakasama ng sangkatauhan at matindi ang galit laban sa Diyos?

Sagot: Ang tanong na ito ay napakahalaga, at iilan lamang sa buong sangkatauhan ang makauunawa dito nang lubusan! Ang dahilan ng matinding...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito