Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao

Ano ang pananampalataya sa Diyos? Ito ang pinakapraktikal na tanong, gayon din ang pinakapangunahing katotohanan na dapat maunawaan ng isang mananampalataya. Ang pananampalataya ba sa Diyos ay isang uri ng paninindigan, o ito ba ay isang direksiyon at mithiin sa buhay ng isang tao? Sa puso mo, ano ang pinakalayunin ng pananampalataya? Bakit gusto mong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? Ibig sabihin, ano ang iyong paniniwala? Ano ang batayan at pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos? Ano ang iyong motibasyon? Sa madaling sabi, anong layunin at hangarin ang mayroon ka sa paniniwala sa Diyos? Para saan ito sa huli? Ang mga ito ang pinakapratikal na tanong. Masasabi mo na ang mga tao ay nananalig at tumatanggap sa Diyos para sa layuning magkamit ng mga pagpapala. Nananalig ang mga tao sa Diyos upang magkaroon sila ng isang bagay na mapagsasandalan ng kanilang mga pag-asa, pananabik, at paghahangad sa dako ng kaisipan at espiritu. Ito ang orihinal na layunin sa pananampalataya ng lahat ng tao sa Diyos. Gayunman, pagkatapos na magkaroon ng pananalig sa Diyos ang mga tao, pagkatapos na mapakinggan nila ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, ang gawain ng Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang tao, mga pangyayari at bagay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga pananaw nila sa pananampalataya ay nagbabago nang hindi nila namamalayan, at nagtatamo sila ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan; gayon lang nila napagtatanto na ang pananampalataya sa Diyos ay nagpapahintulot sa kanila na makamtan ang katotohanan, na ang pananampalataya ay ang pinakamahalaga, na kaya talagang baguhin ng pananampalataya ang mga tao sa maraming aspekto at sa huli ay lutasin ang problema ng katiwalian ng tao. Upang magkaroon ka ng pananampalataya sa Diyos, dapat mo munang maunawaan ang mga sumusunod na tanong: Bakit nananalig ang mga tao sa Diyos? Ano ang layunin ng pananalig sa Diyos? Ano ang motibasyon upang manalig sa Diyos? Ano ang unang pagnanais at adhikain sa paniniwala sa Diyos? Gaano ninyo pinag-isipan ang mga tanong na ito? Tama ba ang mga sagot na nasa inyo? (Sa umpisa, nanalig ako sa Diyos bunga ng aking pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Nang maranasan ko ang ilang paghatol at pagkastigo mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na puro mga pagpapala lang ang hinahangad ko, na wala talaga akong konsensiya o katwiran, at napakamakasarili. Naramdaman ko na ginawa akong lubhang tiwali ni Satanas, kaya naman inasam ko na maging isang taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, isang tao na kayang lumugar nang tama bilang isang nilikha at sumunod sa Diyos. Sa kasalukuyan, itong kaunting kaalaman lang ang tinataglay ko.) Kapag nagsimulang manalig ang mga tao sa Diyos, gusto nila palagi na magkamit ng biyaya, na magkamit ng mga pagpapala at benepisyo, na bigyan ng kasiyahan ang sari-saring kagustuhan at pagnanasa ng espiritu at ng laman. Mula pa noong simula ng kanilang pananampalataya nang hinangad nila ang gayong mga bagay, nagdusa na sila nang labis, at ngayon ay nauunawaan nila na ang kahalagahan ng pananampalataya ay higit pa sa mga bagay na ito. Ang kahalagahan ng pananampalataya ay napakalalim at napakapraktikal, at ang mga benepisyo na kanilang tinatanggap ay napakarami para mailarawan sa kaunting salita. Para magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, kailangan munang lutasin ng isang tao ang mga problema ng tiwaling disposisyon at kasalanan ng tao, pati na ang maisakatuparan ang pagsunod at pagkilala sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan lamang maiwawaksi ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at makatatakas mula sa impluwensiya ni Satanas upang makapanumbalik nang lubusan sa Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Diyos ay upang makamit mula sa Diyos ang katotohanan at ang buhay, na sa huli ay nagiging isang tao na umaayon sa mga layunin ng Diyos at kayang sumunod at sumamba sa Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng pananampalataya. Sa pagmamasid natin sa pagkaunawa ng mga tao sa pananampalataya, makikita natin na ang kanilang mga pananaw, layunin, at motibasyon ukol sa kanilang pananampalataya ay dumaan sa isang malaking pagbabago. Ano ang naghatid ng pagbabagong ito? (Ito ang resulta ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan at ng lahat ng gawain na Kanyang ginawa para sa mga tao.) Tama iyan. Ang pagbabagong ito ay hindi resulta ng paglipas lamang ng panahon, ni hindi ito ipinilit sa iyo ng sinuman, ni hindi rin ito resulta ng impluwensiya o pagkahawa ng kahit anong mga katuruang relihiyoso, lalong hindi ang kabutihan ng puso mo ang nagpakilos sa Langit para baguhin ka na maging mas mabuti at makatao. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sa katunayan, ang pinakapratikal na benepisyong nakamit ay, yamang sila ay pinatnubayan ng mga salita ng Diyos, diniligan at ipinastol ng mga salita ng Diyos, nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, nakikita nang malinaw ang kadiliman at kasamaaan sa mga tao, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay lubhang nagbago. Ano ang naghahatid ng mga pagbabagong ito? Ang mga ito ang resulta ng dahan-dahan at utay-utay na pagdanas ng gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano nga ba ang kabilang sa mga pagbabagong ito? Kabilang sa mga ito ang pinakamalaking usapin ng pananampalataya—ang usapin ng kaligtasan. Ito ang ganap na kahalagahan ng pananampalataya ng isang tao. Sa katunayan, walang hinihinging marami ang mga tao ukol sa pananampalataya. Ang pakay lang nila ay magkamit ng biyaya at maghanap ng kapayapaan. Pagkatapos, ito ay nagbabago sa isang pagnanais na maging mabubuting tao kaysa maging masasamang tao, at sa huli, gusto lang nilang makatanggap ng isang mabuting destinasyon. Gayon pa man, sa loob nito ay ang pinakamalaking tanong: Ano kayang epekto ang gusto talaga ng Diyos na maisakatuparan sa Kanyang gawain ng paghatol at pagdadalisay at sa Kanyang pagliligtas sa tao? Ito ang dapat na maunawaan ng mga tao. Sa gawain ng Diyos upang iligtas ang tao, ano ang ginagamit Niya upang isakatuparan ang kaligtasang ito? Ginagamit Niya ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan at ang Kanyang mga salita, at pagkatapos ay ang kanilang karanasan sa paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at pinalalaya sila mula sa kasalanan at sa impluwensiya ni Satanas. Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang ganap na kahalagahan ng pananampalataya ng mga tao? Sa madaling salita, ito ay upang maligtas. At ano ang kahalagahan ng kaligtasan? Gusto Kong pag-isipan ninyo itong lahat at sabihin sa Akin kung ano talaga ang ibig sabihin ng maligtas? (Ibig sabihin nito ay na makalalaya kami mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, makapanunumbalik nang lubusan sa Diyos, at sa huli, ay makaliligtas.) (Ang mga taong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay nararapat sa kamatayan, ngunit ang mga taong naligtas sa pamamagitan ng pagranas sa gawain ng Diyos ay hindi mamamatay.) Nauunawaan ninyong lahat ito at maipaliliwanag ito sa antas ng doktrina, ngunit hindi lang ninyo alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng maligtas. Ang pagiging naligtas ba ay pagwawaksi ng inyong tiwaling disposisyon? Ang pagiging naligtas ba ay nangangahulugang hindi pagsisinungaling, ng pagiging isang tapat na tao at paghinto sa paghihimagsik sa Diyos? Paano ba ang mga tao pagkatapos nilang maligtas? Sa madaling salita, ang pagiging naligtas ay nangangahulugan na magagawa mong magpatuloy na mabuhay, na ikaw ay pinanumbalik sa buhay. Namumuhay ka dati sa kasalanan, at nakatakda para sa kamatayan—gaya ng nakikita ng Diyos, ikaw ay patay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Sa ilalim ng kaninong kapangyarihan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa ilalim ng kapangyahiran ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kung gayon, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspekto katulad ng kanilang mga espiritu at mga kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay, sila ay mga naglalakad na bangkay. Sa panlabas, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit ang lahat ng palagi mong iniisip ay masama, pagsuway sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos, ang lahat ng iyong iniisip ay mga bagay na kinamumuhian, kinapopootan, at kinokondena ng Diyos. Sa mata ng Diyos, hindi lamang kabilang sa laman ang lahat ng bagay na ito, kundi lubusang pag-aari ni Satanas at ng mga diyablo ang mga ito. Kaya, sa mata ng Diyos, tao pa nga ba ang tiwaling sangkatauhan? Hindi, sila ay mga hayop, diyablo, at Satanas; sila ay mga Satanas na buhay! Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kalikasan at disposisyon ni Satanas, at ayon sa nakikita ng Diyos, sila ay mga Satanas na buhay at nakadamit sa laman ng tao, mga diyablo na nasa balat ng tao. Inilalarawan ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang ang mga patay. Ginagawa na ngayon ng Diyos ang gawain ng kaligtasan, na nangangahulugan na kukunin Niya ang mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa tiwaling diwa nito—ang mga patay—at gagawin Niya silang mga taong buhay. Iyan ang kahalagahan ng pagiging naligtas. Naniniwala sa Diyos ang isang tao upang maligtas—ano ang ibig sabihin ng maligtas? Kapag natamo ng isang tao ang kaligtasan ng Diyos, sila ang mga patay na nagiging buhay. Kung minsan silang napabilang kay Satanas, nakatakdang mamatay, ngayon sila ay nabuhay bilang mga taong nabibilang sa Diyos. Kung kaya ng mga taong sumunod sa Diyos, makilala Siya, at yumukod sa Kanya sa pagsamba kapag nanalig at sumunod sila sa Diyos, kung wala na silang paglaban at paghihimagsik sa Diyos sa kanilang puso, at Siya ay hindi na nila lalabanan o tutuligsain, at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mga taong buhay. Ang isang tao ba na kumikilala lang sa Diyos sa salita ay isang taong buhay? (Hindi.) Anong uri ng tao ang isang taong buhay, kung gayon? Ano-ano ang realidad ng mga taong buhay? Ano ang dapat na taglay ng mga taong buhay? Sabihin ninyo sa Akin ang inyong mga opinyon. (Ang mga taong kayang tumanggap ng katotohanan ay mga taong buhay. Kapag ang mga ideolohikal na pananaw ng mga tao at mga pananaw ukol sa mga bagay-bagay ay nagbago at humanay sa salita ng Diyos, sila ay mga taong buhay.) (Ang mga taong buhay ay ang mga nakauunawa sa katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan.) (Ang isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa masama gaya ni Job ay isang taong buhay.) (Ang mga taong nakakikilala sa Diyos, kayang mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos, at kayang ipamuhay ang katotohanang realidad—sila ang mga taong buhay.) Kayong lahat ay nagsabi ng isang uri ng pagpapamalas. Para ganap na maligtas at maging isang taong buhay ang isang tao, dapat na kahit paano ay magagawa niyang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magsabi ng mga salita ng konsensiya at katwiran, at dapat nag-iisip siya at kumikilatis, may kakayahang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, may kakayahang magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Ganyan ang isang tunay na taong buhay. Ano ang madalas na iniisip at ginagawa ng mga taong buhay? Kaya nilang gawin ang ilang bagay na dapat na ginagawa ng mga normal na tao. Pangunahin sa lahat, ginagawa nila nang maayos ang mga tungkulin nila, at may takot sila sa Diyos at lumalayo sa masama sa kanilang iniisip at ibinubunyag, sa kanilang sinasabi at ginagawa sa pang-araw-araw. Iyan ang kalikasan ng madalas nilang iniisip at ginagawa. Para mas maliwanag, ang sinasabi nila at ginagawa sa kabuuan ay naaayon sa katotohanan, kahit paano. Hindi ito kinondena ng Diyos o kinasuklaman at itinaboy Niya, bagkus ay kinilala at sinang-ayunan Niya. Ito ang ginagawa ng mga taong buhay, at ito talaga ang dapat nilang gawin. Kung kinikilala mo lang ang Diyos sa pamamagitan ng iyong bibig at nananalig sa iyong puso, makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos at kaligtasan? (Hindi.) Bakit hindi mo makakamit? Sinasabi ng ilang tao na, “Naniniwala ako na may isang Diyos,” “Nananalig ako sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng sangkatauhan,” “Nananalig ako na ang lahat ng tungkol sa akin ay nasa kamay ng Diyos, na inakay ako ng Diyos sa mas magandang bahagi ng buhay ko, at na aakayin din ako ng Diyos sa aking landas sa hinaharap,” at “Nananalig ako na kayang baguhin ng Diyos ang aking kapalaran.” Ang pagkakaroon ba ng gayong “pananampalataya” ay nangangahulugang siya ay naligtas? (Hindi.) Kaya anong uri ng pananampalataya ang nangangahulugan na ang mga tao ay tunay ngang naligtas? (Ang pananampalataya na hinahayaan silang matakot sa Diyos at umiwas sa masama gaya ni Job.) Paano magkakaroon ang mga tao ng ganoong tunay na pananampalataya? Pagkilala sa pamamagitan ng salita at paniniwala sa kanilang puso: Ang paniniwala bang gaya nito ay makalilikha ng isang pusong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan? Ang paniniwala bang gaya nito ay nangangahulugan na ang mga tao ay mayroong kaalaman tungkol sa Diyos? Hahayaan ba nito ang mga tao na maisakatuparan ang pagsunod sa Diyos? Makakamit ba nito ang kaligtasan? Ano pa ang kulang dito? Ang mga tanong na ito ay dapat na pag-isipan at unawain.

Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala, paninindigan, at tunay na pananampalataya? (Oo.) Tiyak na may mga pagkakaiba, at dapat mong malaman kung ano-ano ang tiyak na pagkakaibang ito. Kung hindi mo kayang makita ang kaibahan ng mga bagay na ito, puwede mong maramdaman na mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos gayong ang mayroon ka lamang ay isang malabong pananalig o isang paninindigan. Paanong ang malabong paninindigan ay makapapalit sa iyong tunay na pananampalataya sa Diyos? Sa katunayan, sa halip na magkaroon ng tunay na pagtitiwala, inilagay mo ang sarili mong mga paninindigan at paniniwala kapalit nito. Kung ang iyong pananampalataya sa Diyos ay wala nang higit pa kundi isang pananalig o paninindigan, hindi ka na kailanman tunay na makalalapit sa Diyos, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganoong pananampalataya na tulad ng sa iyo. Ano-ano ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala, paninindigan, at tunay na pananampalataya? Ang paniniwala at paninidigan ay hindi madaling ipaliwanag nang malinaw, kaya pag-usapan muna natin ang tungkol sa tunay na pananampalataya. Ano ang tunay na pananampalataya sa Diyos? (Ang paniniwalang ang lahat ng pangyayari at lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Ito ba ay tunay na pananampalataya o isang paniniwala? (Isang paniniwala.) (Ang tunay na pananampalataya ay nakatatag sa isang pundasyon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Tanging kapag kilala ng mga tao ang Diyos sila magkakaroon ng tunay na pananampalataya.) Ang pagkaunawang ito ay bahagyang totoo lamang. Paano magkakaroon ng tunay na pananampalataya ang mga tao? Ano-ano ang pagpapamalas ng tunay na pananampalataya? Kung may tunay na pananampalataya ang mga tao, magiging mali ba ang pagkaunawa nila sa Diyos o magrereklamo ba sila tungkol sa Diyos? Sila ba ay sasalungat sa anumang paraan sa Diyos? (Hindi.) Kung may tunay na pananampalataya ang mga tao, maghihimagsik ba sila sa Diyos? Mapalulugod ba ng mga tao ang Diyos kapag sinubukan nilang gumawa ng mabuti at maging mabubuting tao batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon? (Hindi.) Ilagay natin sa isang panig ang tatlong konseptong ito ng paniniwala, paninindigan, at tunay na pananampalataya at magbahaginan muna tayo sa isang usapin. Anong bantog na ginawa ni Pedro bago siya naligtas at nagawang perpekto? (Ikinaila niya ang Panginoon nang tatlong ulit.) Ano pa ang ginawa ni Pedro bago niya ikinaila ang Panginoon nang tatlong ulit? Nang sabihin ng Panginoong Jesus na Siya ay ipapako sa krus, ano ang sinabi ni Pedro? (“Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo” (Mateo 16:22).) Tunay na pananampalataya ba ang nagbunsod kay Pedro na sabihin ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ito? Ito ay ang mabubuting layunin ng isang tao, at ito ay isang pag-antala sa gawain ng Diyos. Saan nakuha ni Pedro ang ganitong uri ng mabuting layunin? (Mula sa kalooban ng tao.) Bakit niya tinanggap ang gayong kalooban ng tao? Hindi niya naunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi niya naunawaan kung ano ang ministeryo ng Panginoong Jesus, at wala siyang tunay na pagkaunawa ukol sa Panginoong Jesus. Sumunod lamang siya sa Panginoon bunga ng paghanga. Sinamba niya ang Panginoon sa kanyang puso, kaya ninais niyang mahalin at protektahan ang Panginoon. Naisip niyang, “Ang bagay na ito ay hindi dapat mangyari sa Iyo. Hindi Mo maaaring danasin ang pasakit na iyan! Kung ang pagdurusa ay hinihingi, ako ang magdurusa. Ako ang magdurusa kapalit Mo.” Hindi niya alam ang mga layunin ng Diyos, at mayroon siya ng mabubuting layunin na nagmumula sa kalooban ng tao at ninais niyang pigilang mangyari ang bagay na iyon. Kaya ano ang nagbunsod sa kanya na kumilos sa ganitong paraan? Sa isang banda, ito ay dahil sa pagiging mainitin ang ulo, kalooban ng tao, at sa kabiguang makaunawa. Sa kabilang banda, hindi niya naunawaan ang gawain ng Diyos. Ginawa ba niya ito dahil sa tunay na pagtitiwala? (Hindi.) Kung gayon bakit siya nagkaroon ng ganoong mabubuting layunin? Ang ganoong mabubuting layunin ba ay naaayon sa katotohanan? Ang mga ito ba ay maituturing na mabubuting gawa? Bagaman sinikap niyang gumawa ng mabuti at siya ay kumilos bunsod ng mabubuting layunin at pagiging taos-puso, ano ang kalikasan ng kanyang mga pagkilos? Ang mga ito ba ay mga asal at pagkilos na nagmumula sa tunay na pananampalataya? (Hindi.) Ngayon ito ay malinaw na, ang sagot ay talagang hindi. Kung gayon, ito ba ay isang paniniwala? (Oo.) Gamitin natin ito upang pag-usapan kung ano ang paniniwala. Ang paniniwala ay isang uri ng mabuting pag-aasam at mabuting pagnanais na pinakamalapit na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ito ay isang bagay na sa pangkalahatan ay itinuturing ng sangkatauhan na mabuti, tama, at positibo. Isang uri ng mabuting kaisipan, isang uri ng mabuting ideya, mabuting pagsasagawa, at mabuting motibasyon na ganap na naaayon sa mga kuru-kuro at sentimiyento ng tao. Ito ay ang inaasam ng mga tao. Ito ang paniniwala. Ang paniniwala ay hindi tunay na pananampalataya. Ito ay lubusang nagmumula sa kalooban ng tao at hindi umaayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, kaya ang paniniwala ay hindi tunay na pagtitiwala. Si Pedro ay isa ngang mabuting tao. Mayroon siyang mabuting pagkatao, at siya ay simple, tapat, may marubdob na damdamin, at masigasig sa kanyang paghahangad. Sa kanyang puso, wala siyang kinimkim na mga pagdududa ukol sa pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus. Kaya, mula sa kaibuturan ng kanyang puso, nasasambit niya ang mga salitang ito: “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo.” Na kaya niyang magsabi ng ganoong bagay ay nagpapakita ng kanyang pagkatao at integridad. Bagaman ito ay isang uri ng pagnanais, isang uri ng mabuting layunin, at ito ay isang uri lamang ng asal, pagsasagawa, at pagpapalabas na nagmumula sa isang uri ng paniniwala, makikita natin na si Pedro ay may mabuting pagkatao. Pinanghawakan niya ang positibo at mga tamang paniniwala, ngunit sa kasamaang-palad, dahil masyadong mababa ang tayog niya, napakakaunti ng nalalaman tungkol sa Diyos, hindi alam ang tungkol sa plano ng pamamahala ng Diyos, hindi alam ang gawain na binalak ng Diyos na gawin, at hindi naunawaan ang layunin ng Diyos, gumawa siya ng isang kahangalan na ganap na nakabatay sa kalooban ng tao at inantala ang gawain ng Diyos. Ito ay isang gawa ng tao na bunsod ng paniniwala, at maliwanag na hindi tunay na pananampalataya. Kung pinanghahawakan ng isang tao ang ganoong mga paniniwala, na nagbubunga sa mabubuting asal at nagbubunsod sa kanila na magkaroon ng ilang mabuting layunin, maaalala ba ng Diyos ang mga bagay na ginagawa nila? Hindi naaalala ng Diyos ang mga bagay na iyon, kaya ang mga ito ay ginawa nang walang kabuluhan! Sa halip, sinabi ito ng Diyos: “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23). Pag-isipan mo itong mabuti. Bakit nagbitiw ang Panginoong Jesus ng mga salitang sa tingin ng mga tao ay walang pagmamalasakit? Bakit hindi nagpakita ng pang-unawa ang Panginoong Jesus nang makita Niya ang mabubuting layunin ni Pedro? Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa bagay na ito? Sinang-ayunan ba ng Diyos ang mabuting layunin na ito ni Pedro? (Hindi.) Siniyasat ng Diyos ang puso ni Pedro at nakita na wala siyang masasamang layunin, kaya hindi Niya kailangang ilantad ang diwa ng bagay na ito. Ayos lang ba ito? (Hindi.) Bakit? Ano ang iniisip ng Diyos sa mabubuting layunin, mga paniniwala ng tao, at mga bagay na iniisip ng mga tao na mabuti, ngunit hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang ganoong mga bagay ay mula kay Satanas at ang mga ito ay paglaban sa Diyos. Ito ang pinaniniwalaan ng Diyos. Ang ganoong pag-iisip ba ay salungat sa mga paraan ng pag-iisip ng tao? (Oo.) Sa pagkilos mula sa pagmamahal ng tao, ano ang gagawin ng isang karaniwang tao bilang tugon kay Pedro? Hahayaan niya si Pedro na maiwasan ang kahihiyan at bibigyan niya siya ng kaluwagan, iniisip sa kanyang puso na “Mabuti ang mga layunin ni Pedro at nais niyang protektahan Ka. Ang siraan si Pedro sa ganitong paraan ay tila kawalan ng pagmamalasakit!” Ngunit ang mga gawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Ano ang kalikasan ng mga salitang sinabi ng Diyos? Sa isang banda, ang mga ito ay paglalantad, sa iba pa, ang mga ito ay pagkondena, at sa ikatlo, ang mga ito ay paghatol. Ano ang naramdaman ni Pedro nang marinig niya ang mga salitang ito? Siya ay kinastigo, at ito ay para bang isang kutsilyo ang itinarak sa puso niya. Nakaramdam siya ng hilakbot, at hindi niya naunawaan, at iniisip niya sa kanyang sarili: “O Diyos, tunay na minamahal Kita! Naniniwala ako sa Iyo nang labis, minamahal Ka nang may buong pagmamahal, at nais kong protektahan Ka nang labis, ngunit bakit Mo ako tinatrato nang ganito? Sinasabi Mo na ako ay si Satanas at inutusan akong lumagay sa likuran Mo. Ako ba si Satanas? Hindi ba’t ako ay isang tao na tapat na sumusunod sa Iyo, kaya paano Mo ako nakikita bilang Satanas? Higit pa riyan, Ikaw ay napakawalang malasakit, sinasabi mo sa akin na lumagay ako sa likuran Mo. Napakasakit nito, napakasakit!” Mula sa pagharap at pagtrato ng Diyos sa ganoong mga bagay sa ganitong paraan, nakikita ba ninyo ang damdamin ng Diyos ukol sa paniniwala ng tao? (Pagkondena, paghatol, at paglalantad.) Iyan ay tama. Hindi lamang inaayawan ng Diyos ang ganoong mga bagay, ngunit kinamumuhian din Niya ang mga ito, at, ang pinakamatindi sa lahat, kinokondena Niya ang ganoong mga bagay. Mula sa mga bagay na ito na inihayag ng Diyos, nakita mo ba ang disposisyon ng Diyos? (Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid.) Ito ay tiyak na ganoon nga. At ano pa? Para sa Diyos, bagaman ang pagpapahintulot, habag, pagpapasensiya, at kagandahang-loob ay labis na kapaki-pakinabang sa mga tao, bagaman ang mga ito ay ang mga bahagi ng kung ano ang mayroon ang Diyos at mas madaling tanggapin ng mga tao, at bagaman ang mga ito ay mga bagay na palaging inihahayag at ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, sa sandaling magkasala ang tao sa disposisyon ng Diyos at labagin ang Kanyang mga prinsipyo, paano sila iwawasto ng Diyos? Kinokondena sila ng Diyos! Hindi nagpapahayag ang Diyos ng mga salitang hindi malinaw sa mga tao, at sinasabing, “Ginawa ito ng mga tao nang may mabubuting layunin at walang mga nakatagong motibo, kaya patatawarin Ko sila ngayon.” Hindi tulad ng tao, walang ipinahihintulot ang Diyos na gitnang daan at walang pinapayagang paghahalo ng kalooban ng tao. Ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa. Ang tama ay tama, at ang mali ay mali. Para sa Diyos, walang mga alanganin. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa sinabi ni Pedro sa Panginoong Jesus, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo,” makikita ng tao kung ano ang paniniwala. Mapapalugod ba ng mga taong may mga pinanghahawakang paniniwala ang Diyos? Ang mga paniniwala ba ay makapagbubunga ng tunay na pananampalataya? Mapapalitan ba ng mga ito ang tunay na pananampalataya ng mga tao sa Diyos? (Hindi.) Hindi, iyan ay lubos na totoo.

Ano ang mga paniniwala sa huli? Ang mga ito ay isang uri ng imahinasyon at kuru-kuro, mabubuting pagnanais, mabubuting layunin, at matatayog na pamantayan na itinatatag ng mga tao. Pagkatapos na maitatag ang mga bagay na ito, tinatahak ng mga tao ang direksiyong ito, hinahangad at inaabot ang mga ito sa pamamagitan ng pag-asa sa mabubuting layunin ng tao, pagsisikap ng tao, kalooban ng tao na magdusa, o mas marami pang mabubuting gawi ng tao. Ano pa ang kulang dito? Bakit hindi mapalulugod ng mga taong may pinaghahawakang mga paniniwala ang Diyos? (Batay sa kanilang mga paniniwala, ginagambala at ginugulo ng mga tao ang gawain ng Diyos.) Ito ay isang malinaw na aspekto. Bilang karagdagan, kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga paniniwala, mayroon bang anumang katotohanan sa ginagawa nila? (Wala.) Suriin nating mabuti ang ginawa ni Pedro. Sinabi ni Pedro na “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo.” May katotohanan ba sa mga salitang ito? (Wala.) Ano ang ibig niyang sabihin sa “hindi ito mangyayari sa Iyo”? Bakit hindi ito maaari sa Diyos? Maaari kaya na ang lahat ng ito ay wala sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t ang Diyos ang may huling salita sa lahat ng ito? Kung ipinahihintulot itong mangyari ng Diyos, mangyayari ito. Kung hindi ito ipinahihintulot ng Diyos na mangyari, hindi ba’t maiiwasan ito? Maaari kayang baguhin ng mga salita ni Pedro na, “hindi ito mangyayari sa Iyo,” ang lahat ng ito? Sino ang nagtakda sa pangyayari, pagkakasunod-sunod, at kahihinatnan ng buong usaping ito? (Itinakda ito ng Diyos.) Kung gayon, ano ang mga salitang ito na sinabi ni Pedro? Ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan, mga salitang binigkas sa kamangmangan, mga salitang binigkas sa ngalan ni Satanas. Ito ang bungang idinulot ng mga paniniwala ng tao. Ito ba ay isang seryosong problema? (Seryoso ito.) Gaano ito kaseryoso? (Ito ay paglaban sa Diyos at pagkilos bilang isang daluyan ni Satanas.) Tama. Ito ay pagkilos bilang isang daluyan ni Satanas, na nangangahulugang lumalaban sa Diyos at winawasak ang gawain ng Diyos sa ngalan ni Satanas. Kung, sa usaping ito, ay ginawa ng Panginoong Jesus ang sinabi ni Pedro, hindi kaya masisira ang gawain Niya ng pagtubos sa mga tao? Ano ang kalikasan ng mga salitang binigkas ni Pedro? (Ginagambala ng mga ito ang gawain ng Diyos.) Ito ang dahilan kung bakit walang awang sinambit ng Diyos ang mga galit na salitang iyon—“Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas!” Ang mga salitang ito ay isang pagkondena at gayundin isang paghatol. Sa mga ito ay matatagpuan ang disposisyon ng Diyos! Kapag pinanghahawakan ng mga tao ang ganoong mga paniniwala, mga paniniwalang hinaluan ng mabubuting layunin, mabubuting pagnanais, magagandang kahilingan, at ang lahat niyong mga bagay na pinanghahawakan ng mga tao bilang positibo, tama, at mabuti, sinasang-ayunan ba ito ng Diyos? (Hindi.) Nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito na mabuti, kaya bakit hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos? Sa isang banda, ito ay dahil walang tunay na kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos. Ito ang pangkalahatang dahilan. Bilang karagdagan, sa isang praktikal na pananaw, hindi tunay na nagpapasakop ang mga tao sa mga salitang binigkas ng Diyos at sa mga gawaing ginampanan Niya, ni hindi rin nila tunay na nauunawaan ang mga bagay na ito. Batay sa pag-iisip ng tao, palaging gusto nila na huwag gawin ng Diyos ang ganito o huwag gawin ang ganyan. Palagi nilang iniisip na, “Hindi talaga mabuti para sa Diyos na kumilos gaya nito. Ang pagkilos nang gaya nito ay hindi ang inaasahan natin, hindi ito lubos na mapagmalasakit sa mga tao.” Kapag nakatatagpo ang mga tao ng ganoong mga bagay, madalas ay nakabubuo sila ng mga kuru-kuro, puno sila ng mga imahinasyong gawa-gawa ng tao, at sumasandal sa lahat ng uri ng pamamaraan ng tao sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Dito, walang pagpapasakop, walang tunay na kaalaman, walang tunay na pagkatakot sa Diyos, tanging panggagambala at pagwasak lang sa gawain ng Diyos. Wala itong anumang elemento ng tunay na pananampalataya. Sa gayon, hinatulan si Pedro pagkatapos niyang sambitin ang mga salitang iyon. Mayroon ba siyang natamong anuman pagkatapos niyang tumanggap ng hatol? (Mas naunawaan niya ang tungkol sa kanyang sarili at ang tungkol sa disposisyon ng Diyos.) Ang ganoong hatol ba ay isang mabuti o masamang bagay? Sa pinakamaliit na antas, isang malakas na palo ang nagpahinto at nagpaisip sa kanya, “Panginoon, ako ba si Satanas? Tunay akong naniniwala sa Iyo, ako ang siyang nagmamahal sa Iyo, ako ang Iyong tapat na tagasunod! Paano mangyayaring ako si Satanas?” Sa pagninilay-nilay niya rito nang paulit-ulit, naisip niyang, “Pinagalitan ako ng Panginoong Jesus sa ganoong malilinaw at mga payak na salita. Sinabi Niya sa akin na lumagay ako sa likuran Niya at pinagalitan ako bilang si Satanas. Nangangahulugan ito na, sa bagay na ito, kumilos ako sa ngalan ni Satanas! Anong uri ng tao ang makakikilos sa ngalan ni Satanas? Isang taong hindi kaayon ng Diyos. Kahit kailan at kahit saan, kayang labanan at ipagkanulo ng ganoong tao ang Diyos, wasakin ang gawain ng Diyos, at kayang guluhin at sirain ang gawain ng Diyos, at siya ang nagiging kaaway ng Diyos. Ito ay kakila-kilabot! Sa ganyang kaso, magmamadali akong aatras sa likod ng Diyos at ititikom ang bibig ko.” Hindi ba’t nagpapakita ito na dahan-dahang nanumbalik sa katwiran si Pedro, nagtamo ng pang-unawa, at napagtanto niya ang labis na kaseryosohan ng problema? Napagtanto niya na ang tao ay palaging tao at ang Diyos ay palaging Diyos, at may distansya sa pagitan ng tao at ng Diyos. Kapag ang isang tao ay kumikilos batay sa mabubuting layunin, nakikita ito ng Diyos bilang isang panggagambala at panggugulo. Sa pamamagitan ng dahan-dahang pagpapatuloy sa ganitong paraan, lumalabas ba na isang mabuting bagay ang paghatol ng Diyos sa tao? (Oo.) Kaya masamang bagay ba para sa isang tao ang maglantad ng kaunting kahangalan? Sa ganitong pagtingin, hindi ito isang masamang bagay, kundi isang mabuting bagay. Bakit sinasabi nating lumalabas na ito ay isang mabuting bagay? (Nakikinabang ang mga tao mula rito.) Tama, nagtatamo ang mga tao ng ilang pakinabang. Paano nangyayari ang mga pakinabang na ito? Kapag ikaw ay nasa ilalim ng paghatol ng Diyos at nagpapasakop ka rito, sinusuri ang sarili mo, at tinatanggap ang lahat ng nagmumula sa Diyos—ang lahat ng mga pagpapahayag ng Diyos, mga pagbubunyag ng Diyos, at ang lahat ng hinihingi ng Diyos sa iyo—at ito ay nagiging realidad mo at nagiging buhay mo, kung gayon, ang iyong katiwalian ay papawiin nang hindi mo man lang nalalaman. Kaya ang mahatulan ba ay isang masamang bagay o isang mabuting bagay? (Isang mabuting bagay.) Handa ba kayong tumanggap ng paghatol? (Handa kami.) Kung gayon, ayos lang ba kung araw-araw kayong hinahatulan? Hindi ka pahihintulutan nito na kumain, matulog, o magpahinga gaya ng normal. Kapag may nangyari, sasabihan ka ng Diyos na umatras. Kapag may panahon Siya, hahatulan ka Niya. Ayos lang ba iyon? Matatagalan mo ba ito? Hindi ito matatagalan ng mga tao, at hindi gagawin ng Diyos ang ganoong bagay. Marubdob na ninanais ng Diyos na ikaw ay mabilis na lumago at mahinog. Iyon ang dahilan kung bakit maraming hakbang sa paghatol ng Diyos. Minsan ay maaaring magalit Siya, at pagkatapos ay aalukin ka ng kaunting kaaliwan. Minsan ay maaari Ka niyang saktan, at pagkatapos ay aalukin ka ng awa. Bagaman ang Diyos ay madalas na nagagalit, may mga pagitan sa Kanyang galit na nagbibigay sa mga tao ng pagkakataong habulin ang kanilang hininga. Tanging kapag direktang hinahatulan at kinokondena ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan na ito ay makatutulong sa kanilang paglago sa buhay. Sulit ang bawat butil ng sakripisyo upang makamit ang katotohanan.

Ang mga taong may pinanghahawakan lamang na mga paniniwala ay malayong maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos, at ang mga paniniwala ay malayong maging sapat na kapalit para sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung sila ay may pananampalataya sa Diyos batay sa isang paniniwala, hindi kailanman tunay na makalalapit sa harap ng Diyos ang mga tao, kahit pa ang magpasakop sa Kanya nang tunay at magkaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Bakit ganito? Ang mga paniniwala ng mga tao ay walang kinalaman sa katotohanan at malayong maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Kapag ang mga tao ay may mga paniniwala, hindi ito nangangahulugang nauunawaan nila ang katotohanan. Sa pananampalataya sa Diyos na nakabatay sa paniniwala, hindi kailanman mauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at magagambala at magugulo lang nila ito. Ang pananampalataya na nakabatay sa paniniwala ay hindi nangangahulugan na magpapakita ng pagsasaalang-alang ang mga tao sa mga layunin ng Diyos, lalong hindi na magpasakop sa Diyos. Kaya ngayon, ano ang sumunod na nangyari kay Pedro? Bago ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, sinabi Niya ito kay Pedro: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo Akong makaitlo” (Mateo 26:34). Ano ang sinabi ni Pedro bilang tugon? (“Kahit na ako ay mamamatay na kasama Mo, ay hindi Kita ikakaila” (Mateo 26:35).) Nakapagpabagabag ito kay Pedro, at itinanggi niyang gagawin niya ang sinabi ng Panginoon, ngunit sa huli, pinatotohanan ng mga tunay na nangyari ang mga salita ng Panginoong Jesus. Ang pagtitiwala ba ni Pedro nang oras na iyon ay mas malaki o mas maliit kaysa inyo? (Mas malaki, tinaga niya ang tainga ng alipin ng pinakapunong pari upang protektahan ang Panginoon.) Iyan ay bunsod ng pagiging mainitin ang ulo. Ang kaalaman niya ukol sa Panginoong Jesus at ang pagkilala niya sa Kanyang pagkatao ay kumakatawan sa antas ng pananampalataya ni Pedro sa Panginoong Jesus. Ito ang nagpahintulot sa kanya na lubhang lumaban para sa Panginoong Jesus, na sinasabing, “Sinuman ang kumanti sa aking Panginoon, ibubuwis ko ang aking buhay upang lumaban!” Umabot sa ganitong antas ang kanyang pananampalataya, ngunit ang pagiging mainitin ba ng ulo ng tao ang nais ng Panginoon? Tiyak na hindi. Ang pananampalataya ni Pedro ay umabot sa antas na iaalay niya ang kanyang buhay para sa Panginoon, ngunit gayunman, bakit ikinaila pa rin ni Pedro ang Panginoon nang tatlong beses? Ito ba ay dahil siya ay nakatadhanang gawin ito ayon sa propesiya ng Panginoong Jesus? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dahilan? Bakit napakaduwag niya? Maibubuwis niya ang kanyang buhay sa pakikipaglaban sa iba para sa Panginoong Jesus at tinaga ang tainga ng isang tao. Bunsod ng kanyang pagmamahal para sa Panginoong Jesus, nagawa niyang sabihin ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng kanyang puso at gawin ang mga iyon, na nagpakita ng kanyang natatanging pagiging taos-puso. Kaya, nang dumating na ang oras, bakit hindi siya nangahas na kilalanin ang Panginoon? (Dahil alam niya ang mga kahihinatnan. Kung nahuli siya ng mga kawal-Romano noon, marahil siya ay ipinapatay. Natakot siyang mahuli at natakot din siya sa kamatayan.) Ang pangunahing dahilan ay ang kanyang kagustuhang iligtas ang kanyang buhay. Totoo na may mga pinanghawakang paniniwala si Pedro, ngunit mayroon ba siya ng mga elemento ng tunay na pananampalataya? Nang panahong iyon, napagtanto na ni Pedro na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay, at ang Diyos Mismo. Mayroon siyang ganoong tunay na pananampalataya, kaya bakit napakaduwag pa rin niya? (Wala siya ng ganoong tayog.) Iningatan niya ang kanyang buhay at kinatakutan ang kamatayan, pagdurusa, at pisikal na pagpapahirap. Ano pa man ang dahilan, sa huli, ikinaila pa rin niya ang Panginoon nang makailto. Ito ay gaya nga ng sinabi ng Panginoong Jesus na, “Sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo Akong makaitlo.” Natupad nga ang mga salitang ito kay Pedro. Bakit nagawang sabihin ng Panginoong Jesus ang ganoong mga salita at magkaroon ng ganoong mga kongklusyon tungkol kay Pedro? (Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.) Ano ang nasisiyasat ng Diyos sa puso ni Pedro? (Ang tayog ni Pedro at ang pananampalataya niya sa Diyos.) Nakita ng Panginoong Jesus ang tayog ni Pedro at ang lawak ng kanyang pagtitiwala. Sa ganoong maliit na tayog, nakapagtataka ba na ikinaila niya ang Panginoon nang makaitlo? Dahil sa kanyang tayog, hindi maiiwasang kikilos siya gaya ng ginawa niya dala ng sitwasyon. Bakit katiting na pagtitiwala lamang ang mayroon siya nang panahong iyon? (Nang panahong iyon, sinundan ni Pedro ang Panginoong Jesus sa loob ng halos tatlong taon, kaya napakakaunti ng kanyang naranasang gawain ng Diyos.) Pagkatapos ng tatlong taon ng pagsunod sa Panginoong Jesus, ang kanyang pagtitiwala ay maaari lamang na maging napakalaki. Iyon ang kanyang tayog nang panahon na iyon. Ang paglago niya sa tayog ay naabot sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapalalim ng karanasan.

Ayos lang ba na sumunod sa Diyos nang walang tunay na pagtitiwala? Ano ba talaga ang ibig sabihin para sa mga tao na magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos? Sa pinakasimpleng salita: Ito ay ang saklaw ng pagtitiwala mo sa lahat ng salita at gawain ng Diyos at ang sukdulan ng kaya mong tunay na paniwalaan. Sa partikular, ito ay ang sukdulan kung saan, sa puso mo, ay kaya mong paniwalaan at kilalanin ang katuparan at ang pamamaraan ng katuparan ng mga salitang sinambit ng Diyos, ang mga bagay na itinalaga ng Diyos, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, kung paano isinasaayos ng Diyos ang mga patutunguhan ng mga tao sa hinaharap, at ang lahat ng iba pang mga ganoong bagay at gayon na rin ang sukdulan kung saan ikaw ay may tunay na pagtitiwala sa mga bagay na ito. Nang panahong iyon, ni hindi nangahas si Pedro na kilalanin ang pangalan ng Panginoong Jesus, o ang kilalanin ang kanyang kaugnayan sa Panginoong Jesus. Maliit na pagtitiwala lamang ang mayroon siya, at ang maliit na pagtitiwalang ito ay nagpakita ng kanyang aktuwal na tayog. Ano ang kanyang aktuwal na tayog? (Kinilala lamang niya ang Panginoong Jesus bilang ang Cristo, ngunit kaunti lamang ang kaalaman niya ukol sa Diyos.) Siya ay may ganoong kaliit na tayog at hindi kayang lagpasan pa ito. Kaya kayo, sa anong antas kayo may pananampalataya sa Diyos ngayon? Ang pananampalataya ba ninyo ay mas malakas kaysa kay Pedro? Mas mahina ba ito? Halos pareho ba ito? (Pareho ito sa aspekto ng pagkilala kay Cristo. Mas nauunawaan namin ang katotohanan nang bahagya kaysa kay Pedro, ngunit dapat pa kaming pumasok sa marami sa mga katotohanang iyon.) Kung ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay humihinto lamang sa pagkilala na Siya ay Diyos, sa pagkilala na ang Diyos ang nangangasiwa at nagsasaayos ng lahat ng bagay, at na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, sa iyong tadhana, at sa iyong buhay—kung kinikilala mo lamang ito, ngunit may kakaunti lamang ng mga elemento ng paniniwala, at mas kaunti pa, halos wala na, ng mga elemento ng pagpapasakop, at wala nang kahit na anong mga elemento ng paghihintay at paghahanap sa Diyos—anong uri ng pananampalataya ito? Palagi mong sinasabi na nananalig ka sa Diyos, nananalig ka na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat at pinangangasiwaan ang lahat ng bagay, na ang buhay ng mga tao ay ibinigay sa kanila ng Diyos, at na gagawin mo ang kung anumang hinihingi ng Diyos sa iyo, iaalay maging ang buhay mo para sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay naharap ka sa isang sitwasyong gaya ng naranasan ni Pedro, kung saan ang mga tao ay nagtatanong, “Iyan ba ang Diyos mo?” Magninilay-nilay ka ukol sa bagay na ito, at iniisip na, “May mga walang pananampalataya sa buong paligid, hindi ba ako dadakpin kung kikilalanin ko Siya? Sinabi ng Diyos na puwede tayong gumamit ng karunungan sa mga kritikal na panahon at umiwas sa pagkilala sa Kanya, kaya gagamit ako ng karunungan, at hindi ito ibibilang ng Diyos laban sa akin.” Kung iniingatan mo ang buhay mo at duwag ka, hindi ka mangangahas na kilalanin ang Diyos, at maaari pa ngang ikaila mo ang Diyos. Sa ganoong panahon, nasaan ang pagtitiwala na kung saan pinaniniwalaan mong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Hindi ito umiiral.) Ang pagtitiwala ba na inakala mong mayroon ka noong mga ordinaryong panahon ay tunay o huwad? (Huwad.) Kapag may nangyayari na lalong higit na lumalabag sa mga kuru-kuroo panlasa mo at ang layunin ng Diyos sa bagay na ito ay hindi pa lubusang naihahayag, hinihingi ng Diyos sa iyo na magpasakop sa bagay na ito. Isinaayos Niya ang kapaligirang ito upang matuto ka ng isang leksyon. Kaya ano ang gagawin mo? Halimbawa, sabihin nating mayroon kang bukod-tanging malakas na pananampalataya at ikaw ay bukod-tanging maka-Diyos at taos-puso, ngunit isinasaayos ng Diyos ang isang kapaligiran na hindi umaakma sa mga kuru-kuro mo, na itinatrato ka na para bang ikaw ay isang walang pananampalataya. Dahil pakiramdam mo ay ginawan ka ng mali, mapupuno ng mga luha ang mata mo at magrereklamo ka sa Diyos, na sinasabi sa puso mo na: “O Diyos, naniniwala ako sa Iyo, nabubuhay ako para sa Iyo, ngunit isinaayos mo pa rin para sa akin ang isang kapaligirang gaya nito, at inilalagay mo ako sa piling ng mga walang pananampalataya at inihahalo mo ako sa maruruming espiritu. Hindi ba ako magiging tiwali ng dahil dito? Nabubukod ako bilang isang taong banal, isang taong nabibilang sa Diyos. Hindi Mo dapat isinaayos ang ganito. Alam Mo ba kung gaano Kita pinangungulilaan, kung gaano Kita kamahal? Hindi ako maaaring mahiwalay sa Iyo. Hindi Mo ako maaaring pakitunguhan nang ganito, hindi ito patas para sa akin!” Paano ito? Kapag nakakatagpo ka ng mga bagay na hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro, nasaan ang pagpapasakop mo? (Hindi ito umiiral.) Ano ang ipinapalit mo sa pagpapasakop? (Mga reklamo, mga maling pagkaunawa, at paglaban.) Ito ba ay tunay na pagtitiwala? Ano ang dapat na mayroon sa tunay na pananampalataya? Paano nito ipinapakita ang sarili nito? (Hinahanap ang mga layunin ng Diyos at nagpapasakop sa Diyos.) Inilalantad ng isang insidente kung ang isang tao ay may tunay na pagtitiwala.

Magbahaginan tayo tungkol sa isang bagay na pinakasalungat sa mga kuru-kuro ng tao. Si Moises ay nabuhay sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Apatnapung taon ang pinakamahaba sa buhay ng isang tao. Kung ang isang tao ay mabubuhay hanggang walumpung taon, ang apatnapung taon ay kalahati ng kanyang buhay. Anong uri ng kapaligiran ng pamumuhay ang kaparangan? Hindi lamang isang lubos na kaawa-awang kapaligiran ang kaparangan upang gawing tirahan sa dami ng paghihirap na kinailangang harapin ni Moises, ngunit ang mas importanteng problema ay wala siyang ugnayan sa mga Israelita sa loob ng apatnapung taon na iyon, at ni hindi rin nagpakita ang Diyos sa kanya. Isinaayos ng Diyos ang kapaligirang ito para kay Moises upang dalisayin siya. Ito ba ay umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Kung ang mga tao ay walang tunay na pananampalataya, paano ito pangkalahatang magpapakita? Sa unang dalawang taon, mayroon pa rin silang kaunting lakas sa kanilang puso at iisipin nila na, “Sinusubok ako ng Panginoon, ngunit hindi ako natatakot. Kasama ko ang Diyos! Basta’t hindi ako hinahayaan ng Diyos na mamatay, makakaya kong mabuhay hangga’t may natitira akong hininga. Nabubuhay ako dahil sa Diyos. May tiwala ako. Dapat kong palugurin ang Diyos!” Mayroon sila ng ganitong katiting na determinasyon dahil mayroon pa rin silang mga tupa bilang mga kasama. Gayunpaman, matapos lumipas ang ilang taon, umuunti na ang mga tupa at pumapagaspas sa buong araw ang umuugong na hangin. Sa katahimikan ng gabi, mararamdam ng mga tao na sila ay nag-iisa. Wala silang mapagbabahaginan ng kung ano ang nasa puso nila. Kapag tumingala sila sa langit, ang tanging makikita nila ay mga bituin at ang buwan. Mas lalo pa silang nakararamdam ng lungkot sa maulap at maulang mga gabi kung kailan maging ang buwan ay nakatago. Hindi nila namamalayan na ang pagtitiwala nila ay dahan-dahang lumalamig. Kapag ang pagtitiwala nila ay nanlamig, isang pusong puno ng mga reklamo at maling pagkaunawa ang nagpapakita ng sarili nito. Pagkatapos na pagkatapos niyan, ang kanilang panloob na kalagayan ay nagiging lalong malungkot at ang buhay ay dahan-dahang nagiging walang kabuluhan. Tuloy-tuloy nilang nararamdaman na hindi sila pinapansin ng Diyos at inabandona na sila. Kinukwestiyon nila ang pag-iral ng Diyos, at ang pagtitiwala nila ay lumiliit nang lumiliit. Kung wala kang tunay na pananampalataya, hindi mo matatagalan ang pagsubok ng panahon o ang pagsubok ng kapaligiran. Kung hindi mo matatagalan ang pagsubok na ibinibigay ng Diyos sa iyo, hindi mangungusap ang Diyos sa iyo o magpapakita sa iyo. Nais makita ng Diyos kung naniniwala ka sa Kanyang pag-iral, kung kinikilala mo ang pag-iral Niya, at kung mayroon kang tunay na pananampalataya sa puso mo. Ganito sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Nasa kamay ba ng Diyos ang mga taong nabubuhay sa pagitan ng langit at lupa? Silang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Ganito talaga iyon. Hindi mahalaga kung ikaw ay nasa kaparangan o nasa buwan, ikaw ay nasa mga kamay ng Diyos. Ganyan iyan. Kung hindi nagpakita ang Diyos sa iyo, paano mo makikita ang pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Paano mo magagawang pahintulutan ang katotohanan na “ang Diyos ay umiiral at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay” na mag-ugat sa puso mo at hindi na maglaho pa? Paano mo magagawang ang pahayag na ito ay maging buhay mo, ang puwersang nag-uudyok sa buhay mo, at ang tiwala at lakas na nagpapahintulot sa iyong magpatuloy na mabuhay? (Manalangin.) Iyan ay praktikal. Iyan ang landas ng pagsasagawa. Kapag lugmok na lugmok ka sa iyong pinamahirap na panahon, kapag hindi mo masyadong nararamdaman ang Diyos, kapag nakararamdam ka ng labis na sakit at pag-iisa, kapag pakiramdam mo ay tila ba malayo ka sa Diyos, ano ang isang bagay na talagang dapat mong gawin nang higit sa lahat? Tumawag ka sa Diyos. Ang pagtawag sa Diyos ay nagbibigay sa iyo ng lakas. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng pag-iral Niya. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag tumatawag ka sa Diyos, nananalangin sa Diyos, at ipinauubaya mo ang iyong buhay sa mga kamay ng Diyos, mararamdaman mo na nasa tabi mo ang Diyos at na hindi ka Niya inabandona. Kapag nararamdaman mong hindi ka Niya inabandona, kapag tunay mong nararamdaman na Siya ay nasa tabi mo, lalago ba ang iyong tiwala? Kung ikaw ay may tunay na pagtitiwala, hihina ba ito at maglalaho sa paglipas ng panahon? Talagang hindi. Nalutas na ba ngayon ang problema ng pagtitiwala? Maaari bang magkaroon ang mga tao ng tunay na pagtitiwala sa pamamagitan lamang ng pagdadala ng Bibliya at istriktong pagsasaulo ng mga talata nang literal? Dapat ka pa ring manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos upang malutas ang problemang ito. Paano nalampasan ni Moises ang apatnapung taon na iyon sa kaparangan? Nang panahong iyon, walang Bibliya, at kakaunting tao lang ang nasa paligid niya. Mayroon lamang siyang tupa na kasama niya. Si Moises ay tiyak na ginabayan ng Diyos. Bagamat hindi itinala sa Bibliya kung paano siya ginabayan ng Diyos, kung ang Diyos ba ay nagpakita sa kanya, kung ang Diyos ba ay nangusap sa kanya, o kung pinahintulutan ba ng Diyos si Moises na maunawaan kung bakit pinatira Niya siya sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon, isang hindi maitatangging katotohanan na nakaligtas si Moises sa kanyang pamumuhay sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Hindi maitatanggi nang sinuman ang katotohanang ito. Yamang walang kahit isa sa paligid niya na mapagbabahaginan niya ng kung ano ang nasa puso niya, paano siya nakaligtas nang mag-isa sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon? Kung walang tunay na pananampalataya, ito ay imposible para sa sinuman. Ito ay magiging isang himala! Kahit gaano pa pag-isipang mabuti ng mga tao ang bagay na ito, nararamdaman nila na hindi ito maaaring mangyari kahit kailan. Ito ay masyadong salungat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao! Ngunit hindi ito isang alamat, hindi isang kakatwang kuwento, ito ay isang tunay, di-mapapalitan, at di-maitatangging katotohanan. Ano ang ipinakikita ng pag-iral ng katotohanang ito sa mga tao? Kung ikaw ay may tunay na pananampalataya sa Diyos, hangga’t mayroon kang natitirang hininga, hindi ka tatalikuran ng Diyos. Ito ay isang katotohanan ukol sa pag-iral ng Diyos. Kung mayroon kang ganoong totoong pagtitiwala at ganoong tunay na pagkaunawa sa Diyos, ang pagtitiwala mo kung gayon ay malaki na. Ano pa man ang kapaligiran na mapuntahan mo, at gaano man katagal ang ilagi mo sa kapaligirang ito, ang pagtitiwala mo ay hindi kukupas.

Si Moises ay nasa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Hindi kailanman nagpakita ang Diyos sa kanya, ni pinagkalooban siya ng katotohanan. Walang hawak na mga aklat si Moises na naglalaman ng mga salita ng Diyos, wala ng kahit sinumang mga taong hinirang ng Diyos sa kanyang tabi, at walang kahit sinumang mapagbabahaginan niya ng kung ano ang nasa puso niya. Sa kanyang pamumuhay nang mag-isa sa kaparangan, makapamumuhay lamang siya sa pamamagitan ng pag-asa sa pananalangin sa Diyos. Sa huli, naisakatuparan nito ang tunay na pagtitiwala ni Moises. Kaya bakit ginawa ito ng Diyos? May ipagkakatiwala ang Diyos na atas kay Moises, na gagamitin siya nang husto, at kinailangan ng Diyos na gumawa sa kanya, kaya binago Niya siya. Ano ang binago ng Diyos kay Moises? (Ang pagtitiwala niya.) Nais ng Diyos na gawing perpekto ang pagtitiwala niya, hindi baguhin ang pagtitiwala niya. Ang binabago ng Diyos ay ang mabubuting layunin ng tao, ang mga tinatawag na katigasan ng tao at ang kanyang mga abilidad at kakayahan at ang kanyang pagiging mainitin ang ulo. Bakit umalis si Moises sa Ehipto noong panahong iyon? (Dahil pinatay niya ang isang taga-Ehipto bunsod ng pagiging mainitin ang ulo.) Maaari bang ginamit siya ng Diyos nang panahong iyon? (Hindi.) Ano ang maaaring nangyari kung ginamit siya ng Diyos noon? Kinamuhian niya ang mga taga-Ehipto at palaging nilayon na kumilos nang padalus-dalos. Kung pumatay siya ng iba pang tao, hindi ba iyan lilikha ng mga problema? Kung hiningi ng Diyos sa kanya na humayo at pangunahan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, at si Moises ay kumilos nang padalus-dalos nang hindi pumayag ang Faraon, hindi ba’t magdudulot iyan ng gulo? Sasabihin ng Diyos na, “Maaari mo bang katawanin ang Diyos kung ganyan ka kumilos?” Kaya nga, dahil sa kanyang pagiging mainitin ang ulo, hindi siya magamit ng Diyos. Ang pagiging mainitin ang ulo ay isang malaking bawal para sa mga tao. Kung maintin ang iyong ulo, kung palaging gusto mong gawin ang mga bagay-bagay batay sa iyong pagiging natural at sa bugso ng iyong damdamin, at kung palagi mong gustong lutasin ang mga problema gamit ang mga pamamaraan ng tao; kung wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos at hindi ka umaasa sa Diyos at naniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan bunga ng ganoong tunay na pananampalataya, hindi magagawa ng Diyos na gamitin ka. Kung susubukan ng Diyos na gamitin ka, hindi lamang na wala kang maisasakatuparang anuman, ngunit magugulo mo pa nga ang mga bagay-bagay. Kaya, pagkatapos na patayin ni Moises ang taga-Ehipto, tumakas siya sa kaparangan. Ginamit ng Diyos ang kapaligiran ng kaparangan upang pahinahunin ang kanyang kalooban, pagiging maintin ang ulo, ang kanyang mabubuting intensyon, sigasig, at bugso ng damdamin gayundin ang pagpapakabayani na nagtulak sa kanya upang ipagtanggol ang mga kapakanan ng kanyang mga kalahi at labanan ang kawalan ng hustisya. Ito ang lahat ng bagay na nabibilang sa kalooban ng tao, pagiging mainitin ang ulo at natural. Bakit hindi isinaayos ng Diyos para sa ilang Israelita na sumama sa kanya? Kung may isa pang tao na kasama niya, maaaring hindi siya umasa sa Diyos kundi sa ibang tao. Sa gayong kapaligiran, naging anong uri ng tao si Moises? Kaya niyang magpasakop sa Diyos at mayroon siyang tunay na pagtitiwala. Nagpapakita ito na ang kanyang likas na pagiging mainitin ang ulo ay lumipas na. Nang siya ay lumabas mula sa kaparangan, taglay pa rin ba niya ang pagiging mainitin ang ulo at ang pagpapakabayani? (Wala.) Ano ang nagpakita nito? (Sinabi ni Moises na hindi na siya isang magaling na tagapagsalita.) Hindi na siya makapagsalita, kaya nasa kanya pa rin ba ang sarili niyang mga layunin at bugso ng damdamin? (Wala.) Sa ganitong perspektiba, kapag nais ng Diyos na gawing perpekto ang isang tao, gawing perpekto ang pagtitiwala ng isang tao sa Diyos, kahit na gamitin man Niya o hindi ang taong iyon, gagawing perpekto ng Diyos ang pang-unawa ng taong ito sa katotohanan at pang-unawa sa mga layunin ng Diyos at pahihintulutan ang taong ito na magpasakop sa Diyos nang tunay at lubusan nang walang anumang halo, walang tinatawag na pagpapakabayani ng tao, bugso ng damdamin, ambisyon at matatayog na naisin, walang pagiging mainitin ang ulo, at walang mabubuting intensyon at sigasig ng tao—wala ng mga tinatawag na mga paniniwalang ito. Hinahangaan at hinahanap ng lahat ang mga bagay na ito na nagmumula sa kalooban ng tao, ang mga ito ay mga bagay na, sa relatibong paraan ng pagsasalita, tinatawag ng puso ng mga tao na positibo, mabuti, at tama. Ang mga ito mga bagay na handang paglaanan ng buhay ng lahat. Ang mga ito ang paniniwala ng mga tao. Kapag wala ng mga bagay na ito ang mga tao, kaya nilang tunay na magpasakop sa Diyos at hindi sila gagawa ng mga bagay at magsasalita batay sa mga imahinasyon ng tao at kabutihan ng tao. Kapag ang mga tao ay muling lumalapit sa harap ng Diyos, magkakaroon sila ng higit pang mga elemento ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Ano-ano ang elemento ng tunay na pananampalataya? Papayuhan pa rin ba nila ang Diyos at sasabihing, “Diyos ko, ang mga bagay na ginagawa Mo ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at nahihirapan ang mga tao na tanggapin ang mga gawa Mo. Kailangan Mo talagang gawin ito nang gaya nito,” at “Diyos ko, ang sinabi Mo ay parang hindi tama. Ang tono ay hindi maganda, ang paraan ng pagtugon ay mali, at ang mga salitang ginamit Mo ay hindi tama”? Ang mga bagay na ito ay kinapaguran na nila at hindi na nila papayuhan ang Diyos. Magagawa na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, magtaglay ng katwiran, at magkaroon ng takot sa Diyos. Sa apatnapung taon ng pagbabago sa kaparangan, tunay na naramdaman ni Moises ang pag-iral ng Diyos. Sa isang kapaligiran na kung saan ang simpleng kaligtasan ng buhay ay imposible para sa isang tao, umasa siya sa Diyos upang makaligtas sa araw-araw at humawak sa pag-asa taon-taon, at nabuhay hanggang sa huli. Nakita talaga niya ang Diyos. Hindi ito nagkataon lang at hindi isang alamat. Walang hindi sinasadya o biglaan tungkol dito. Ang lahat ng ito ay totoo. Nakita niya ang tunay na pag-iral ng Diyos at nakita niya na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ay totoo. Sa sandaling ang gawain ng Diyos sa mga tao ay magkamit ng gayong epekto, ang puso nila ay daraan sa isang pagbabago. Maglalaho ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at mararamdaman nila na sila mismo ay walang saysay, at wala silang anumang magagawa kung wala ang Diyos. Bilang resulta, hindi nila gugustuhing ipilit na gawin ang mga bagay sa sarili nilang pamamaraan. Sa panahong ito, magsasabi ba ang mga tao ng mga bagay na gaya ng “Panginoon: hindi ito mangyayari sa Iyo”? (Hindi.) Masasabi natin na, sa panahong ito, hindi magsasalita ang mga tao batay sa mga kuru-kuro ng tao upang hadlangan ang Diyos, ni hindi sila gagawa ng mga bagay-bagay mula sa kalooban ng tao o ipilit na gawin ang mga bagay ayon sa maibigan nila. Sa panahong ito, ano ang batayan kung saan nabubuhay ang tao? Ano ang kanilang ipinamumuhay? Sa kanilang pananaw, kaya nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa obhetibong perspektiba, mapapahintulutan nila ang kalikasan na gawin ang gawain nito, hintayin at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at magpasakop sa Diyos sa lahat ng hinihingi Niyang gawin nila nang hindi gumagawa ng mga pansariling pagpili.

Noong isinugo ng Diyos si Moises para akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto, ano ang naging reaksiyon ni Moises na binigyan siya ng Diyos ng ganitong atas? (Sinabi niyang hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita.) Mayroon siyang kaunting pangamba, na hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita. Pero nilabanan ba niya ang atas ng Diyos? Paano niya ito hinarap? Nagpatirapa siya. Ano ang ibig sabihin ng magpatirapa? Ibig sabihin nito ay magpasakop at tumanggap. Nagpatirapa siya nang lubos sa harap ng Diyos, walang pakialam sa kanyang personal na mga kagustuhan, at wala siyang binanggit na anumang mga paghihirap na maaaring naranasan niya. Anuman ang ipagawa ng Diyos sa kanya, gagawin niya ito agad-agad. Paano niya nagawang tanggapin ang atas ng Diyos kahit pa naramdaman niyang wala naman siyang magagawa? Dahil may tunay siyang pagtitiwala sa loob niya. Nagkaroon na siya ng ilang karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at usapin, at sa apatnapung taon na naranasan niya sa kaparangan, nalaman niya na makapangyarihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kaya, tinanggap niya ang atas ng Diyos nang may pananabik, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya nang walang ibang salita pa tungkol dito. Ano ang ibig sabihing humayo siya? Nangangahulugan ito na nagkaroon siya ng tunay na pagtitiwala sa Diyos, at tunay na pag-asa sa Kanya, at tunay na pagpapasakop sa Kanya. Hindi siya nagpakaduwag, at hindi siya nagpasya nang sarili niya o sinubukang tumanggi. Sa halip, ganap siyang nagtiwala, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya, na puno ng pagtitiwala. Pinaniwalaan niya ito: “Kung iniatas ito ng Diyos, matutupad ito kung gayon gaya ng sinasabi ng Diyos. Ѕinabi sa akin ng Diyos na ilabas ko ang mga Israelita mula sa Ehipto, kaya hahayo ako. Dahil ito ang iniatas ng Diyos, gagawa Siya, at bibigyan Niya ako ng lakas. Kailangan ko lang makipagtulungan.” Ito ang naging kabatiran ni Moises. Inaakala ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa na magagawa nila ang mga bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila nang sila lamang. Mayroon bang ganoong mga abilidad ang mga tao? Tiyak na wala. Kung ang mga tao ay duwag, mawawalan sila maging ng katapangan na harapin ang Faraon ng Ehipto. Sa puso nila, sasabihin nilang, “Ang Faraon ng Ehipto ay isang diyablong hari. Siya ay may hukbo na nasa kanyang pamamahala at kayang patayin ako sa isang salita. Paano ko pangungunahang lumayo ang napakaraming Israelita? Makikinig ba sa akin ang Faraon sa Ehipto?” Ang mga salitang ito ay naglalaman ng pagtanggi, paglaban, at paghihimagsik. Ipinakikita ng mga ito ang hindi pananalig sa Diyos, at hindi ito tunay na pagtitiwala. Hindi mainam ang mga sitwasyon noong panahong iyon para sa mga Israelita o kay Moises. Sa perspektiba ng tao, ang akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto ay talaga namang isang imposibleng gampanin, dahil nasa hangganan ng Ehipto ang Dagat na Pula, at ang tawirin iyon ay magiging isang napakalaking hamon. Talaga nga bang hindi alam ni Moises kung gaano kahirap tuparin ang atas na ito? Sa kanyang puso, alam niya, pero sinabi lang niya na pautal-utal siyang magsalita, na walang makikinig sa kanyang mga salita. Sa puso niya, hindi niya tinanggihan ang atas ng Diyos. Nang sabihin ng Diyos kay Moises na akayin niya ang mga Israelita palabas ng Ehipto, nagpatirapa siya at tinanggap ito. Bakit hindi niya binanggit ang mga paghihirap? Ito ba ay dahil, matapos ang apatnapung taon sa kaparangan, hindi niya alam ang mga panganib sa mundo ng mga tao, o kung anong kalagayan ng mga bagay-bagay Ehipto, o ang kasalukuyang kinasasadlakan ng mga Israelita? Hindi ba niya nakikita nang malinaw ang mga bagay na iyon? Ganoon ba ang nangyayari? Talagang hindi. Si Moises ay matalino at maalam. Alam niyang lahat ang mga bagay na iyon, dahil personal niyang napagdaanan at naranasan ang mga ito sa mundo ng mga tao, at hindi niya malilimutan ang mga ito kailanman. Alam na alam na niya ang mga bagay na iyon. Kung gayon, alam ba niya kung gaano kahirap ang atas na ibinigay ng Diyos sa kanya? (Oo.) Kung alam niya, paano niya nagawang tanggapin ang atas na iyon? Nagtiwala siya sa Diyos. Sa tanang buhay niyang puno ng karanasan, nanalig siya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, kaya tinanggap niya ang atas na ito ng Diyos nang may pusong puno ng pagtitiwala at nang walang bahagya mang alinlangan. Anong mga karanasan ang mayroon siya? Sabihin mo sa Akin. (Sa kanyang karanasan, sa tuwing tumatawag siya sa Diyos at sa tuwing lumalapit siya sa Diyos, inakay at ginabayan siya ng Diyos. Nakita ni Moises na hindi tumalikod ang Diyos sa Kanyang salita, at mayroon siyang tunay na pagtitiwala sa Diyos.) Ito ay isang aspekto. Mayroon pa bang iba? (Sa loob ng apatnapung taon niya sa kaparangan, talagang nakita ni Moises ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtawag niya at pananalangin sa Diyos. Nagawa niyang makaligtas at malagpasan ito, at mayroon siyang tunay na pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Mayroon pa ba? (Marami nang ginawa ang Diyos kay Moises. May alam si Moises tungkol sa kung paano nilikha ng Diyos ang langit, ang lupa, at ang lahat ng bagay, paano ginamit ng Diyos ang isang baha upang wasakin ang mundo sa panahon ni Noe, at tungkol kay Abraham at iba pang ganoong mga bagay. Isinulat niya ang mga bagay na ito sa Pentateuko, na nagpapatunay na nagkamit siya ng karunungan sa lahat ng mga gawang ito ng Diyos at alam niya na ang Diyos ay makapangyarihan at may walang hanggang kaalaman. Kaya, nanalig siya na dahil aakayin siya ng Diyos, ang gawain ay tiyak na magiging matagumpay. Ninais niyang pagmasdan ang mga gawa ng Diyos, makita kung ano ang gagawin ng Diyos sa pamamagitan niya, at paano siya tutulungan at gagabayan ng Diyos. Ito ang tiwala na mayroon siya.) Ganoon ang nangyari. Sabihin mo sa Akin, sa kanyang apatnapung taon sa kaparangan, nagawa ba ni Moises na maranasan na, sa Diyos, walang bagay na mahirap, at na nasa kamay ng Diyos ang tao? Naranasan niya iyon nang husto—iyon ang pinakatunay niyang karanasan. Sa apatnapung taon niya sa kaparangan, napakaraming bagay na nagdulot ng matinding panganib sa kanya, at hindi niya alam kung makaliligtas ba siya sa mga iyon. Araw-araw, nanlaban na sana siya para sa kanyang buhay at nanalangin sa Diyos para sa proteksyon. Iyon ang naging tangi niyang hiling. Sa apatnapung taong iyon, ang pinakamalalim niyang naranasan ay ang kataas-taasang kapangyarihan at proteksyon ng Diyos. Kalaunan, nang tinatanggap na niya ang atas ng Diyos, maaaring ang una niyang naramdaman ay: “Walang bagay na mahirap sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na magagawa ito, tiyak na magagawa ito. Dahil ibinigay sa akin ng Diyos ang ganitong atas, titiyakin Niyang matutupad ito—Siya mismo ang gagawa nito, hindi ang sinumang tao.” Bago kumilos, ang tao ay dapat magplano at maghanda nang mas maaga. Dapat muna niyang asikasuhin ang mga bagay na dapat mauna. Dapat bang gawin ng Diyos ang mga bagay na ito bago Siya kumilos? Hindi Niya kailangang gawin ang mga ito. Ang bawat nilikha, gaano man kamaimpluwensiya, gaano man kahusay o kamakapangyarihan, gaano man kawalang kontrol, ay nasa kamay ng Diyos. Si Moises ay mayroong pagtitiwala, kaalaman, at karanasan ukol dito, kaya wala ni katiting na alinlangan o takot sa kanyang puso. Kaya naman, ang pagtitiwala niya sa Diyos ay talaga namang tunay at dalisay. Masasabi na napuspos siya ng pagtitiwala.

Katatapos ko lang talakayin ang tungkol sa kung ano ang tunay na pananampalataya. Sabihin mo sa Akin, sa huli, gusto ba ng Diyos ang paniniwala ng mga tao o ang tunay na pananampalataya ng mga tao? (Gusto Niya ang tunay na pananampalataya ng mga tao.) Ang gusto ng Diyos ay ang tunay na pananampalataya ng mga tao. Ano ang tunay na pananampalataya? Sa pinakasimple at pinakadirektang mga salita, ito ay tunay na pagtitiwala ng mga tao sa Diyos. Sa gawa, ano ang itsura ng tunay na pagtitiwala? Ano ang kinalaman nito sa lahat ng mga aktibidad sa tunay na buhay ng mga tao? (Naniniwala ang mga tao na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagtatakda ng lahat ng bagay. Naniniwala sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng mga nakakatagpo nila at naniniwala sila na walang anumang bagay ang mahirap para sa Diyos.) (Naniniwala ang mga tao na ang bawat salitang sinasambit ng Diyos ay magaganap.) Pag-isipan mo pa itong mabuti. Paano pa ipakikita ng tunay na pagtitiwala ang sarili nito? (Ang pagtitiwala ni Moises ay iba kaysa sa pagtitiwala ng mga ordinaryong mananampalataya. Nang isulat niya ang Genesis, naniwala siya na nilikha ng Diyos ang langit at lupa at ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, naniwala siya na ang langit at lupa at ang lahat ng bagay ay binigyang-buhay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naniwala siya na anuman ang sinabi ng Diyos ay gayon nga at ang itinakda ng Diyos ay mangyayari, at naniwala siya na ang mga salita ng Diyos ay magaganap lahat at maisasakatuparan. Kaugnay nito, siya’y may tunay na pagtitiwala sa Diyos. Hindi lang siya naniwala sa katotohanan na ang Diyos ay tunay na umiiral. Naniwala siya na ang langit, ang lupa, at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos. Sa puso niya, lubos siyang naniwala na isinakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, at naniwala siya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kung wala siyang ganoong pagtitiwala sa Diyos, hindi niya maisusulat ang Genesis. Ang mga salitang ito ay kinasihan din o ibinunyag ng Banal na Espiritu, at nauunawan niya ito nang malinaw.) Sabihin mo sa Akin, ang tunay bang pag-iral ng Diyos ay isang katotohanan dahil naniniwala ang mga tao rito? (Hindi.) Anong uri ng katotohanan ang tunay na pag-iral ng Diyos? (Pinaniniwalaan man ito ng mga tao o hindi, ang Diyos ay umiiral, at ang Diyos ay umiiral sa Kanyang sarili at walang hanggan.) Kahit papaano, ang pagtitiwala sa Diyos ay dapat na nakabatay sa pundasyong ito: Hindi umiiral ang Diyos dahil kinikilala mo Siya sa salita, ni hindi rin Siya hindi iiral kung hindi mo Siya kinikilala. Sa halip, umiiral ang Diyos naniniwala ka man sa Kanya o kinikilala mo man Siya. Ang Diyos ay ang walang hanggan na Lumikha at Siya ang walang hanggan na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bakit kailangan ng mga tao na maunawaan ito? Ano ang mababago nito sa mga tao? Sinasabi ng ilang tao na, “Kung nananalig kami sa Iyo, Ikaw ay Diyos, pero kung hindi kami nananalig sa Iyo, hindi Ka Diyos.” Ano ang mga salitang ito? Ang mga ito ay salitang mapaghimagsik at nakapanlilinlang. Sinasabi ng Diyos na, “Kung hindi ka naniniwala sa Akin, ako pa rin ay Diyos at ako pa rin ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana mo. Hindi mo ito mababago.” Ito ay katotohanang hindi maitatanggi ng sinuman. Kahit gaano pa itanggi o labanan ng isang ateista ang Diyos, ang kapalaran niya ay nasa ilalim pa rin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi niya matatakasan ang kaparusahan ng Diyos. Kung lubusan mong tinatanggap at nagpapasakop ka sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos at kaya mong tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos, kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang paraan ng pamumuhay mo, baguhin ang mga layon mo sa buhay at ang direksiyon ng iyong paghahangad, baguhin ang landas na pinili mo, at baguhin ang kahulugan ng buhay mo. Sa pamamagitan ng kanilang bibig, sinasabi ng ilang tao na nananalig sila sa pag-iral ng Diyos at na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa lahat ng umiiral, ngunit hindi nila kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at hindi nila nakikita na gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang pagsasaayos para sa bawat tao. Palaging gusto ng mga taong ito na hangarin ang mga sarili nilang ambisyon at pagnanais at gusto nila palaging gumawa ng mga dakilang bagay, ngunit nakatatagpo sila ng paulit-ulit na pagkaunsyami at sa huli sila’y napapagod at naiiwang walang-wala at nagdurusa. Saka pa lang sila sumusuko. Kung tunay silang naniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kikilos ba sila sa ganitong paraan? Imposible ito para sa kanila. Paano sila dapat magpatuloy? Una sa lahat, dapat nilang maunawaan ang layunin ng Diyos. Sa gawain ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, tinutulungan Niya ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, tumahak sa tamang landas ng buhay, at mamuhay nang naaayon mga salita ng Diyos. Kung nauunawaan talaga ng mga tao ang layunin ng Diyos, susundin nila ang mga hinihingi ng Diyos sa kanilang paghahangad ng katotohanan at pagpupunyaging maunawaan ang Diyos, makakamit ang pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan lang sila makaaayon sa layunin ng Diyos. Maraming tao ang nananaliga sa Diyos pero hindi kayang magpasakop sa Diyos. Gusto nila palaging hangarin ang mga sarili nilang kagustuhan, ngunit lahat sila ay nabibigo sa huli. Saka lang nila sinasabi ang nasa puso nila na, “Ito ang tadhana, at walang sinumang makapagpapabago sa itinakda ng Diyos!” Sa ngayon, kapag muli nilang sinabi na, “Nananalig kami sa pag-iral ng Diyos at nananalig kami na hawak ng Diyos ang lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay,” ang mga salitang ito ba ay iba kaysa sa mga sinabi nila noon? Ang mga ito ay higit pang praktikal kaysa sa mga doktrinang binigkas nila noon. Dati, sa salita lang nila kinilala at pinaniwalaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ngunit kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi nila kayang magpasakop sa Diyos at hindi nila kayang isagawa ang katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Sa kanilang puso, inakala nilang kaya nilang tuparin ang kanilang mga mithiin nang mag-isa. Sa ganitong paraan, ang mga salita ng Diyos na pinaniwalaan nila sa kanilang puso at ang mga doktrinang nasa kanilang mga dila ay hindi maaari maging mga prinsipyo ng kanilang mga kilos. Ibig sabihin, hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay ang lahat ng katotohanan at kayang isakatuparan ang lahat ng bagay. Inakala nila na naunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi nila kayang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya ang naunawaan lang nila ay mga doktrina at salita, hindi ang katotohanang realidad. Gamit ang kanilang bibig, sinabi nilang nanalig sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ngunit sa tunay na buhay, hindi nila kayang magpasakop sa Diyos. Palagi nilang tinatahak ang sarili nilang landas, at palaging gustong hangarin ang kanilang sariling kagustuhan, at nilalabag ang mga hinihingi ng Diyos. Ito ba ay tunay na pagpapasakop? Mayroon bang tunay na paniniwala at tunay na pagtitiwala rito? (Wala.) Walang-wala, na talagang kahabag-habag! Ano ang mga pagpapamalas ng tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ang mga tao na may tunay na pagtitiwala sa Diyos kahit paano ay naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na ang mga ito ay magaganap at maisasakatuparan, at naniniwala sila na ang pagsasagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos ay ang tamang landas sa buhay. Sa kanilang buhay, nananalangin sila sa Diyos at umaasa sa Diyos, dinadala ang mga salita ng Diyos sa kanilang tunay na buhay, nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, sinisikap na maging matatapat na tao, at isinasabuhay ang mga realidad ng mga salita ng Diyos. Hindi lang sila naniniwala sa pag-iral at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kundi sinisikap din nilang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa kanilang tunay na buhay. Kung sila ay mapaghimagsik, mapagninilayan nila ang kanilang sarili, matatanggap ang katotohanan, matatanggap ang pagdidisiplina ng Diyos, at makakamit ang pagpapasakop sa Diyos. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, ang katotohanang pinaniniwalaan at kinikilala mo ay magiging iyong buhay realidad. Magagabayan ng katotohanang ito ang iyong mga kaisipan, ang iyong buhay, at ang direksiyon na tinatahak mo sa iyong buong buhay. Sa panahong ito, magagawa mong magpakita ng tunay na pagtitiwala sa Diyos. Kapag nagtataglay ka ng tunay na pananalig sa Diyos at tunay na pagpapasakop, nagbubunga ito sa tunay na pagtitiwala. Ang pagtitiwalang ito ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Saan nagmumula ang tunay na pananampalatayang ito? Ito ay nakamit sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdaranas ng mga salita ng Diyos at sa ganoong paraan ay nauunawaan nila ang katotohanan. Habang mas nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, mas lumalaki ang pagtitiwala nila sa Diyos, mas nakikilala nila ang Diyos, at mas tunay silang nagpapasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng tunay na pananampalataya ang mga tao.

Sa proseso kung saan nagkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos ang mga tao, ano ang ginagawa ng Diyos? (Nagbibigay Siya ng kaliwanagan, gumagabay, nagsasaayos ng mga kapaligiran, at pagkatapos ay kinukuha Niya ang katotohanan at isinasagawa ito sa mga tao.) Nang tanggapin ni Pedro ang pagkastigo sa kanya mula sa Panginoong Jesus, siya’y inilalantad, hinahatulan, at kinokondena ng Diyos. Dapat bang maranasan ng mga tao ang mga bagay na ito bago nila makamit ang tunay na pagtitiwala sa Diyos? (Oo.) Bakit kinakailangang maranasan nila ang mga bagay na ito? Magiging imposible ba ito kung wala ang mga bagay na ito? Posible bang lagpasan ang hatol, pagkalantad, pagsaway, pagdisiplina, pagkastigo, at maging ang panunumpa? (Hindi.) Ipagpalagay nating pinag-usapan ng Panginoong Jesus at ni Pedro ang usapin sa isang magiliw na paraan, sa halip na siya’y kinastigo, sinasabing: “Pedro, alam kong maganda ang intensyon mo sa sinasabi mo, ngunit huwag kang magsasalita nang ganyan sa hinaharap. Huwag mong hadlangan ang Aking plano bunsod ng magagandang intensyon ng tao. Huwag kang magsalita sa ngalan ni Satanas at kumilos bilang daluyan ni Satanas. Sa hinaharap, mas maging maingat ka at huwag kang magsasalita nang walang katuturan. Bago ka magsalita, isipin mong mabuti kung tama ang mga sasabihin mo at kung at kung ang mga ito’y makakapighati o makakagalit sa Diyos.” Uubra ba ang ganitong paraan ng pagsasalita? (Hindi.) Bakit hindi? Ang mga tao ay labis nang ginawang tiwali ni Satanas, at ang mga ugat ng kanilang mga tiwaling disposisyon ay napakalalim na. Namumuhay sila sa kanilang tiwaling disposisyon. Ang lahat ng kaisipan nila, gawa, imahinasyon, kuru-kuro, ang lahat ng mithiin at direksiyon ng buhay nila, at ang mga motibasyon para sa lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay nagmumula sa kanilang tiwaling disposisyon. Ayos lang ba kung hindi sila kakastiguhin ng Diyos? Mapagtatanto ba nila ang kabigatan ng problemang ito? Mapupuksa ba ang ugat ng kanilang kasalanan? (Hindi.) Kung ang ugat ng kanilang kasalanan ay hindi mapupuksa, kaya ba ng mga tao na magpasakop sa Diyos? (Hindi.) Malinaw na ba sa iyo ngayon kung ito ay isang mabuti o masamang bagay kapag kinokondena at isinusumpa ng Diyos ang mga tao? (Ito ay isang mabuting bagay.) Isa bang mabuting bagay para sa Diyos na ilantad ang mga tao? (Oo.) Ano ang inilalantad Niya sa mga tao? (Inilalantad Niya ang kanilang kahinaan, tayog, at pagtitiwala sa Diyos.) Inilalantad Niya nang lubusan ang mga tao. Ang mga pinaghahawakan mong doktrina, ang patok na linya na palagi mong inuulit, ang mga paniniwala mo, ang panlabas mong sigasig at mabubuting intensyon ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Hindi ang mga ito ang gusto Niya. Kahit gaano ka pa kasigasig o gaano kalayo ang nilalakbay mo, maipapakita ba nito na tinataglay mo ang katotohanan? Maipakikita ba nito na mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ito ang mga bagay na pinupuri ng Diyos. Ang kabutihan at mga imahinasyon ng tao ay walang kabuluhan. Upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at taglayin ang tunay na pananampalataya sa Diyos, dapat mong maranasan ang sari-saring pamamaraan kung paano gumagawa ang Diyos: naglalantad, humahatol, kumokondena, nanunumpa—minsan maging ang pagdidisiplina at pagpaparusa ay kailangan. Dapat bang katakutan ang mga bagay na ito? Hindi dapat katakutan ang mga bagay na ito. Nasa mga ito ang layunin ng Diyos, ang mabubuting layunin ng Diyos, at ang maaalalahaning pagsasaalang-alang ng Diyos. Kapaki-pakinabang na tiisin ang paghihirap na ito! Ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga pamamaraang ito upang gumawa sa mga tao. Ipinapakita nito na may mga inaasahang bagay ang Diyos mula sa mga taong ito at may nais na makamit mula sa mga ito. Hindi ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito nang walang plano, walang kahulugan, o batay sa mga imahinasyon. Lubusang sinasalamin ng mga ito ang layunin ng Diyos. Ano ang layunin ng Diyos? Nais Niyang dalhin ang mga tao sa tunay na pananampalataya sa Diyos at tanggapin ng mga tao ang katotohanan, itakwil ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at isakatuparan ang kaligtasan.

Sabihin mo sa Akin, pagkatapos ikaila ni Pedro ang Panginoong Jesus nang tatlong beses, pinagnilayan ba niya ang kanyang sarili pananampalataya? (Oo.) Ang mga taong may normal na pagkatao, ang mga naghahangad ng katotohanan ay magninilay-nilay sa kanilang sarili kapag may nakatagpo silang mga kabiguan at balakid. Tiyak na nagnilay-nilay si Pedro sa ganitong paraan. Hindi kailanman magninilay-nilay sa kanilang sarili ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung makatagpo sila ng isang sitwasyong gaya ng kay Pedro, sasabihin nilang, “Bagaman itinatwa ko ang Panginoon nang tatlong beses, hindi karaniwang pangyayari ang mga ito. Sino ang hindi makararamdam ng pag-aalala, takot, at panghihina sa ganoong mga di-karaniwang pangyayari? Hindi ito isang malaking bagay. Malaki pa rin ang pagmamahal ko sa Panginoon, ang puso ko ay nag-aapoy pa rin sa sigasig, matatag ang espiritu ko, at hindi ko kailanman iiwan, hindi ko kailanman tatalikuran ang Panginoon! Ang pagkakaila sa Panginoon nang tatlong beses ay isa lamang maliit na dungis, at malamang na hindi ito maaalala ng Panginoon. Sa huli, ang pagtitiwala ko sa Diyos ay sadyang malaki.” Anong uri ng pagninilay-nilay ito? Ito ba ang pag-uugali ng pagtanggap sa katotohanan? Ito ba ang daan upang magkamit ng tunay na pagtitiwala? (Hindi.) Paano kung naisip ni Pedro na, “Panginoong Jesus, kilalang-kilala mo ang mga tao, ngunit paano mo nagawang tumaya na gagawin ko ang ganoong bagay? Hindi mo dapat inasahan na ikakaila Kita. Sa halip, inasahan Mo dapat na kikilalanin kita nang tatlong beses. Maganda sana iyon, at pagkatapos ay sumunod sana ako sa Iyo nang taas-noo. Bilang karagdagan, naipakita sana nito ang malaking pagtitiwala ko sa Iyo, at ang Iyong hula ay napatunayan din sana na totoo. Pareho tayong malulugod niyan. Kung gaano ako tunay na naniniwala sa Iyo. Dapat Mo akong gawing perpekto at ibigay sa akin ang aking dignidad! Hindi Mo ako dapat pagalitan. Hindi Mo ako dapat tratuhin nang ganito. Ako ang may dignidad na si Pedro. Hindi ako dapat kailanman sumambit ng mga salitang nagkaila sa Diyos. Labis itong nakakahiya at kahiya-hiya! Bakit Mo ipinapataw sa akin ang ganoong bagay? Bakit hindi na lang sa iba? Hindi patas ang ginawa Mo! Bagamat inaamin kong ikinaila Kita, kailangan mo ba talagang ibunyag ako nang ganito para makita ng lahat ang aking kahihiyan? Saan ako pupunta mula rito? Magkakaroon pa rin ba ako ng isang magandang patutunguhan sa hinaharap? Hindi ba ito nangangahulugan na sinusukuan Mo na ako? Sa puso ko, ang pakiramdam ko ay hindi ito patas.” Tama ba o mali ang mangatwiran sa Diyos nang ganito? (Mali ito.) Anong uri ng kalagayan ito? Dito si Pedro ay may pagsuway at mga reklamo. Nagrereklamo si Pedro na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at panlasa niya. Nagiging dahilan ito upang siya ay mapahiya at mawalan ng katayuan nang sa gayon ay wala na siyang mukhang maiharap sa mga tao. Dito mayroon siyang mga pagpili ng tao, may mga reklamo siya ng tao, pagsuway, paglaban, at paghihimagsik. Ang lahat ng bagay na ito ay mga tiwaling disposisyon. Ang pag-iisip sa ganitong paraan, pagkilos sa ganitong paraan, at pagkakaroon ng ganoong asal at estado ay malinaw na mali. Kung ang mga tao ay nag-iisip at kumikilos gaya nito at hindi sila pinagagalitan ng Diyos, magkakaroon ba sila ng tunay ng pananampalataya pagkatapos na sila ay mailantad? Magkakaroon ba sila ng tunay na pagtitiwala sa Diyos? (Hindi.) Anong uri ng resulta ang naghihintay para sa mga taong nagrereklamo, naghihimagsik, lumalaban at tumatanggi sa inilalantad ng Diyos ukol sa kanila at kung paano sila itinatrato ng Diyos gaya nito? Ano ang dinadala nito sa buhay ng ganoong mga tao? Ang unang bagay na dinadala nito ay kawalan. Ano ang implikasyon ng “kawalan”? Ayon sa nakikita ng Diyos, masyado kang mahirap na ituwid. Kahit anong mangyari sa iyo, palagi kang may mga pagpili at palagi kang may mga sariling panlasa, sarili mong kalooban, mga sarili mong opinyon, at ang mga sarili mong imahinasyon, kuru-kuro, at kongklusyon. Kaya ngayon, bakit nananalig ka pa rin sa Diyos? Para sa iyo, ang Diyos ay ang bagay lamang na pinagtutuunan mo ng iyong paninindigan at ng iyong suportang espirituwal. Hindi mo kailangan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan ng Diyos, o ang ipinagkakaloob ng Diyos para sa buhay, at siguradong hindi mo kailangan ang Diyos na gumawa ng anumang uri ng gawain ng paghatol sa iyo na nagdudulot sa iyo ng maraming kirot. Bilang tugon, sinasabi ng Diyos na, “Madali iyan, hindi ko kailangang gawin iyan sa iyo. May isang bagay lang: Dapat mo Akong iwan. May karapatan ka sa mga pagpili mo, at may karapatan din akong pumili. Puwede mong piliing huwag tanggapin ang Aking pamamaraan ng pagliligtas sa iyo, sa parehong paraan na puwede ko ring piliing huwag kang iligtas.” Nangangahulugan ba ito na ikaw at ang Diyos ay walang kinalaman sa isa’t isa? Ito ba ang kalayaan ng Diyos? (Oo.) May karapatan ba ang Diyos na gawin ito? (Oo.) May karapatan ba ang mga tao na piliing huwag tanggapin ang kaligtasan ng Diyos? (Oo.) Karapatan din ito ng mga tao. Puwede kang sumuko o puwede mong tanggihan ang kaligtasan na mayroon ang Diyos para sa iyo, ngunit sa huli, ikaw ang magdaranas ng kawalan. Hindi lamang na ikaw ay hindi magagawang perpekto ng Diyos, kundi itatakwil at ititiwalag ka rin ng Diyos. Sa huli ikaw ay parurusahan nang doble. Ito ang resulta para sa iyo. Iyan ang kaguluhang naghihintay para sa iyo! Kaya, dapat piliin ng mga taong gustong mailigtas na magpasakop sa gawain ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan lang na ang mga tao ay makabubuo ng tunay na pagtitiwala sa Diyos at magkakamit ng tunay na pananampalataya sa Kanya. Ang ganoong panampalataya ay dahan-dahang nabubuo sa proseso ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.

Ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay nakatago sa mga layuning nasa likod ng kanilang pananalita at kilos, sa kanilang pagtingin sa mga bagay-bagay, sa kanilang bawat kaisipan at ideya, at sa kanilang mga pananaw, pang-unawa, kuru-kuro, pagtingin, kahilingan, at hinihingi kaugnay ng katotohanan, ng Diyos, at ng gawain ng Diyos. Ito’y nabunyag mula sa mga salita at kilos ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Kung gayon, paano tinatrato ng Diyos ang mga bagay na ito sa loob ng mga tao? Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang kapaligiran para ilantad ka. Hindi ka lamang Niya ilalantad, kundi hahatulan ka pa Niya. Kapag ibinunyag mo ang iyong tiwaling disposisyon, kapag may mga kaisipan at ideya ka na salungat sa Diyos, kapag may mga kalagayan at pananaw ka na laban sa Diyos, kapag may mga kalagayan kung saan mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, o nilalabanan at kinokontra mo Siya, sasawayin ka ng Diyos, hahatulan at kakastiguhin ka Niya, at kung minsa’y didisiplinahin at parurusahan ka pa Niya. Ano ang layunin ng pagdidisiplina at pagsaway sa iyo? (Upang makapagsisi ka at magbago.) Oo, ito ay upang makapagsisi ka. Ang naisasakatuparan ng pagdidisiplina at pagkastigo sa iyo ay hinahayaan ka nitong baguhin ang direksiyon mo. Ito ay para ipaunawa sa iyo na ang mga iniisip mo ay mga kuru-kuro ng tao, at na mali ang mga iyon; ang mga motibasyon mo ay nagmula kay Satanas, mula sa kalooban ng tao, hindi kumakatawan ang mga iyon sa Diyos, at hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, hindi tugma sa Diyos, hindi mapalulugod ng mga iyon ang mga layunin ng Diyos, kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos ang mga iyon, nag-uudyok ang mga iyon ng Kanyang poot, at pinupukaw pa ang Kanyang pagsumpa. Pagkatapos mapagtanto ito, kailangan mong baguhin ang iyong mga motibasyon at pag-uugali. At paano nababago ang mga iyon? Una sa lahat, kailangan mong magpasakop sa paraan ng pagtrato sa iyo ng Diyos, at magpasakop sa mga kapaligiran at mga tao, mga pangyayari, at bagay na itinatakda Niya para sa iyo. Huwag kang maghanap ng butas, huwag kang magbigay ng mga tahasang dahilan at huwag kang umiwas sa iyong mga responsibilidad. Pangalawa, hanapin mo ang katotohanang dapat isagawa at pasukin ng mga tao kapag ginagawa ng Diyos ang mga ginagawa Niya. Hinihiling ng Diyos na unawain mo ang mga bagay na ito. Nais Niyang kilalanin mo ang iyong mga tiwaling disposisyon at satanikong diwa, para magawa mong magpasakop sa mga kapaligirang isinasaayos Niya para sa iyo at, sa huli, para makapagsagawa ka alinsunod sa Kanyang mga layunin at sa Kanyang mga hinihingi sa iyo. Sa gayo’y nakapasa ka na sa pagsubok. Sa sandaling tumigil ka na sa paglaban at pagtutol sa Diyos, hindi ka na makikipagtalo sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kapag sinasabi ng Diyos na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” tumutugon ka ng, “Kung sinasabi ng Diyos na ako si Satanas, ako si Satanas. Kahit na hindi ko nauunawaan kung ano ang mali kong nagawa, o kung bakit sinasabi ng Diyos na ako si Satanas, iniuutos Niya sa akin na pumunta sa likod Niya, kaya hindi ako dapat mag-atubili. Dapat kong hanapin ang mga pagnanais ng Diyos.” Kapag sinasabi ng Diyos na ang kalikasan ng iyong mga kilos ay sataniko, sinasabi mong, “Kinikilala ko kung anuman ang sinasabi ng Diyos, tinatanggap ko ang lahat ng iyon.” Anong pag-uugali ito? Ito ay pagpapasakop. Pagpapasakop ba kapag alanganin mong tinatanggap ang pagsasabi ng Diyos na ikaw ay isang diyablo at si Satanas, ngunit hindi mo ito matanggap—at hindi mo kayang magpasakop—kapag sinasabi Niya na isa kang halimaw? Ang pagpapasakop ay nangangahulugan ng lubos na pagsunod at pagtanggap, hindi pakikipagtalo o hindi pagtatakda ng mga kondisyon. Nangangahulugan ito ng hindi pagsusuri ng sanhi at epekto, sa kabila ng mga makatwirang dahilan, at ang tanging iniisip mo lamang ay ang pagtanggap. Kapag nakamit na ng mga tao ang pagpapasakop na tulad nito, malapit na sila sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Habang lalong kumikilos ang Diyos, at habang lalo mong nararanasan, lalong nagiging totoo sa iyo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at lalong lalaki ang iyong tiwala sa Diyos, at mas lalo mong mararamdaman na, “Lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, walang masama roon. Hindi ako dapat mamili, kundi dapat magpasakop. Ang aking responsabilidad, ang aking obligasyon, ang aking tungkulin—ay para magpasakop. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha. Kung hindi ko man lang kayang magpasakop sa Diyos, ano ako? Isa akong halimaw, isa akong demonyo!” Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon ka nang tunay na pananampalataya ngayon? Kapag dumating ka na sa puntong ito, ikaw ay magiging walang bahid, kaya magiging madali para sa Diyos na gamitin ka, at magiging madali rin para sa iyo na magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos. Kapag mayroon kang pagsang-ayon ng Diyos, magagawa mong makamit ang Kanyang mga pagpapala. Samakatuwid, maraming aral na matututuhan sa pagpapasakop.

Si Pedro ay nagtataglay ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nang sinabi ng Diyos na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” tumahimik siya at nagnilay-nilay sa kanyang sarili. Hindi ito magagawa ng mga tao ngayon. Kung sasabihin ng Diyos, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” sasabihin nilang, “Sino ang tinatawag mong Satanas? Hindi tama na sabihin mong ako si Satanas. Sabihin mong ako ay pinili ng Diyos—iyan ang maganda. Na kaya kong tumanggap at magpasakop. Kung sasabihin mong ako si Satanas, hindi ako makapagpapasakop.” Kung hindi mo kayang magpasakop, mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos kung gayon? Mayroon ka bang tunay na pagpapasakop? (Wala.) Ano ang kaugnayan ng pagpapasakop at pagtitiwala? Magkakaroon ka lang ng tunay na pagpapasakop sa Diyos kapag mayroon kang tunay na pananampalataya. Tanging kapag kaya mong tunay na magpasakop sa Diyos na ang tunay na pagtitiwala sa Diyos ay dahan-dahang sisibol mula sa kalooban mo. Magtatamo ka ng tunay na pagtitiwala sa proseso ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, ngunit kung wala kang tunay na pagtitiwala, magagawa mo bang tunay na magpasakop sa Diyos? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ay magkakaugnay, at hindi ito isang usapin ng mga regulasyon o lohika. Ang katotohanan ay hindi pilosopiya, hindi ito lohikal. Ang mga katotohanan ay magkakaugnay at ganap na hindi mapaghihiwalay. Kung sinasabi mo na, “Upang magpasakop sa Diyos, dapat may pagtitiwala ka sa Diyos, at kung may pagtitiwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Diyos,” ito ay isang regulasyon, isang parirala, isang teorya, isang matayog na pananaw! Ang mga bagay ukol sa buhay ay hindi mga regulasyon. Paulit-ulit mong kinikilala sa salita na ang Makapangyarihang Diyos ang tanging Tagapagligtas mo at ang nag-iisang tunay na Diyos, ngunit mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ano ang inaasahan mo upang ikaw ay maging matatag kapag nakatagpo mo ang paghihirap? Maraming tao ang tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos dahil nagpahayag Siya ng maraming katotohanan. Tinatanggap nila Siya upang makapasok sila sa kaharian ng langit. Gayunman, kapag naharap sila sa pagdakip at mga paghihirap, maraming tao ang umaatras, maraming tao ang nagtatago sa kanilang mga tahanan at hindi nangangahas na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa panahong ito, ang mga salitang sinambit mo—“Nananalig ako sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nananalig ako sa pagkontrol ng Diyos sa tadhana ng tao, at ang aking tadhana ay nasa kamay ng Diyos”—ay matagal nang naglaho nang walang iniwang bakas. Ito’y isa lamang bumkambibig para sa iyo. Yamang hindi ka nangangahas na isagawa at maranasan ang mga salitang ito, at hindi ka namumuhay sa mga salitang ito, mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ang diwa ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang ang paniniwala sa pangalan ng Diyos, kundi ang pananalig sa katotohanan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kailangan mong gawing bahagi ng buhay mo ang katotohanang ito, gawin itong tunay na patotoo ng buhay mo. Kailangan mong mamuhay sa mga salitang ito. Nangangahulugan itong hinahayaan mo ang mga salitang ito na gabayan ang iyong pag-uugali at gabayan ang direksyon at mga mithiin ng mga pagkilos mo kapag naharap ka sa mga sitwasyon. Bakit mo kailangang mamuhay sa mga salitang ito? Halimbawa, sabihin nating magagawa mong pumunta sa isang dayuhang bansa upang maniwala sa Diyos at gampanan ang tungkulin mo, at iniisip mong ito ay mabuti. Ang alituntunin ng malaking pulang dragon ay hindi umiiral sa ibayong dagat, at walang pag-uusig ng mga paniniwala; ang paniniwala sa Diyos ay hindi maglalagay sa buhay mo sa panganib, kaya hindi ka dapat makipagsapalaran. Samantala, ang mga mananampalataya ng Diyos sa kalupaang Tsina ay nasa panganib ng pagdakip anumang oras; nakatira sila sa lungga ng demonyo, at iyan ay napakamapanganib! Pagkatapos isang araw, sinabi ng Diyos na, “Nananalig ka sa Diyos sa ibayong dagat sa loob ng maraming taon, at nagkamit ng ilang karanasan sa buhay. May lugar sa kalupaang Tsina, ang mga kapatid doon ay mga kulang pa sa gulang pagdating sa buhay. Dapat kang bumalik at akayin sila gaya ng isang pastol.” Ano ang gagawin mo kapag naharap ka sa ganitong responsabilidad? (Magpasakop at tanggapin ito.) Maaaring sa panlabas ay matatanggap mo ito, ngunit hindi mapapalagay ang puso mo. Sa iyong higaan sa gabi, iiyak ka at mananalangin sa Diyos na, “Diyos ko, alam Mo ang kahinaan ko. Napakababa ng tayog ko, kahit bumalik ako sa kalupaan, hindi ko magagawang akayin gaya ng isang pastol ang mga hinirang ng Diyos! Hindi ba puwedeng pumili Ka ng ibang pupunta roon? Ang atas na ito ay nakarating sa akin, at gusto kong pumunta, ngunit natatakot ako na, kung pumunta ako, hindi ko ito maisasakatuparan nang maayos, na hindi ko magagawang gampanan ang tungkulin ko nang matiwasay, at na mabibigo akong matugunan ang Iyong mga layunin! Hindi ba puwedeng manatili ako sa ibayong dagat ng dalawang taon pa?” Anong pagpili ang ginagawa mo? Hindi ka lubos na tumatangging pumunta, ngunit hindi ka rin lubos na pumapayag na pumunta. Ito ay palihim na pag-iwas. Ito ba ay papapasakop sa Diyos? Ito ay isang napakalinaw na paghihimagsik sa Diyos. Ang pag-ayaw mo na bumalik ay nangangahulugan na nagtataglay ka ng mga damdaming lumalaban. Alam ba ito ng Diyos? (Alam Niya.) Sasabihin ng Diyos, “Huwag kang pumunta. Hindi ako nagiging malupit sa iyo. Binibigyan lang kita ng isang pagsubok.” Sa ganitong paraan, ibinunyag Ka niya. Minamahal mo ba ang Diyos? Nagpapasakop ka ba sa Diyos? Mayroon ka bang tunay na pagtitiwala? (Wala.) Ito ba’y kahinaan? (Hindi.) Ito ay paghihimagsik, ito ay pagsalungat sa Diyos. Ang pagsubok na ito ay nagbunyag na wala kang tunay na pagtitiwala sa Diyos, wala kang tunay na pagpapasakop, at hindi ka nananalig na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sinasabi mo na, “Hangga’t natatakot ako, may katwiran ako sa pagpiling huwag pumunta. Hangga’t ang buhay ko ay nasa panganib, puwede akong tumanggi. Hindi ko kailangang tanggapin ang atas na ito at puwede kong piliin ang sarili kong landas. Puwede akong mapuno ng mga reklamo at mga hinaing.” Anong uri ng pagtitiwala ito? Walang tunay na pagtitiwala rito. Kahit gaano pa katayog ang mga sawikaing isinisigaw mo, magkakaroon ba ito ng anumang epekto ngayon? Walang kahit ano. Ang mga pangako mo ba ay magkakaroon ng anumang epekto? May idudulot ba itong kabutihan kung ang ibang tao ay magbabahaginan sa katotohanan at kikilos upang kumbinsihin ka? (Hindi.) Kahit pa pumunta ka sa kalupaan nang hindi bukal sa loob mo pagkatapos nilang kumilos upang kumbinsihin ka, ito ba ay maituturing na tunay na pagpapasakop? Hindi ito ang paraan ng pagpapasakop na nais ng Diyos sa iyo. Kung pupunta ka nang hindi bukal sa loob mo, mawawalan ng kabuluhan ang pagpunta mo. Hindi gagawa ang Diyos sa iyo, at wala kang makakamit na anuman mula rito. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay. Dapat bukal ito sa loob mo. Kung ayaw mong pumunta, kung gusto mong tumahak ng isang alternatibong daan, at kung palagi kang humahanap ng paraan upang tumakas, tumanggi, at umiwas, kung gayon ay hindi mo kailangang pumunta. Kapag ang iyong tayog ay sapat na ang laki at mayroon kang ganoong tiwala, boluntaryo mong hihilinging pumunta, na sinasabing, “Pupunta ako, kahit na walang sinuman ang may gusto. Ngayon, talagang hindi na ako natatakot, at ibubuwis ko ang buhay ko! Hindi ba’t ang buhay ay bigay ng Diyos? Anong labis na nakatatakot tungkol kay Satanas? Ito ay isang laruan sa kamay ng Diyos, at hindi ko ito kinatatakutan! Kung hindi ako madadakip, ito’y dahil sa biyaya at awa ng Diyos. Kung mangyaring madakip ako, ito’y dahil pinahintulutan ito ng Diyos. Kahit na mamatay ako sa bilangguan, dapat pa rin akong magpatotoo para sa Diyos! Dapat may ganito akong determinasyon—ipagkakatiwala ko ang buhay ko sa Diyos. Gagamitin ko kung ano ang naunawaan, naranasan, at nalaman ko sa buhay ko at makikipagbahaginan ako rito sa mga kapatid na walang pagkaunawa at kaalaman. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng parehong tiwala at determinasyon gaya ng sa akin, at makalalapit sila sa harap ng Diyos at makapagpapatotoo para sa Kanya. Dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at pasanin ang mabigat na pasaning ito. Bagaman ang pagpapasan ng mabigat na pasaning ito ay nangangailangan ng pagbabakasakali at pagsasakripisyo ng aking buhay, hindi ako natatakot. Hindi ko na iniisip ang sarili ko; may Diyos ako, ang buhay ko ay nasa kamay Niya, at bukal-sa-loob kong nagpapasakop ako sa mga pangangasiwa at pagsasaayos Niya.” Pagkatapos mong bumalik, kailangan mong magdusa sa kapaligirang iyon. Maaaring mabilis kang tatanda, puputi ang buhok mo, at kukulubot ang mukha mo. Maaaring magkasakit ka o arestuhin at usigin, o kaya naman ay mapunta ka sa panganib ng kamatayan. Paano mo haharapin ang mga problemang ito? Ito ay muling nangangailangan ng tunay na pagtitiwala. Puwedeng bumalik ang ilang tao bunsod ng determinasyon, ngunit ano ang gagawin nila kapag naharap sila sa mga paghihirap na ito matapos nilang bumalik? Dapat kang magpasya at manalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit na ikaw ay magka-edad nang bahagya o magkasakit nang bahagya, ang mga ito ay mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Kung magkasala ka sa Diyos at tanggihan ang Kanyang atas, mawawala sa iyo ang pagkakataong magawang perpekto ng Diyos sa buhay na ito. Sa buhay mo, kung magkasala ka sa Diyos at tanggihan ang Kanyang atas, iyan ay magiging isang walang hanggang dungis! Ang mawalan ng oportunidad na ito ay isang bagay na hindi mo mababayaran nang kahit anong bilang ng taon ng kabataan mo. Para saan ang pagkakaroon ng isang malusog at malakas na katawan? Para saan ang pagkakaroon ng magandang mukha at magandang hugis ng katawan? Kahit na mabuhay ka hanggang walumpung taon at ang isip mo ay matalas pa rin, kung hindi mo kayang unawain ang kahulugan ng kahit isang pangungusap na sinambit ng Diyos, hindi ba’t iyan ay labis na kahabag-habag? Lubos itong magiging kahabag-habag. Kaya, ano ang pinakaimportante at pambihirang bagay na dapat makamit ng mga tao kapag lumapit sila sa harap ng Diyos? Ito ay ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Kahit ano pa ang mangyari sa iyo, kung ikaw muna ay nagpapasakop muna, kahit na mayroon kang ilang maliit na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa oras na iyon, o hindi mo masyadong nauunawaan kung bakit kumikilos ang Diyos sa ganyang paraan, hindi ka magiging negatibo at mahina. Gaya ng sinabi ni Pedro na, “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?” Kung wala ka kahit ng ganitong maliit na pagtitiwala, magagawa mo pa rin bang magpasakop gaya ni Pedro? Madalas, ang ginagawa ng Diyos sa iyo ay akma at makatwiran, nakahanay sa iyong tayog, mga imahinasyon, at kuru-kuro. Gumagawa ang Diyos ayon sa iyong tayog. Kung hindi mo pa rin ito matanggap, maisasakatuparan mo pa rin ba ang pagpapasakop ni Pedro? Iyan ay lalong magiging imposible. Kaya, dapat kang maghangad tungo sa direksyong ito at mithiing ito. Sa ganitong paraan mo lamang maisasakatuparan ang tunay na pananampalataya sa Diyos.

Kung walang tunay na pananampalataya ang mga tao, kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Mahirap sabihin iyan. Tanging sa pagkakaroon lamang ng tunay na pagtitiwala sa Diyos na sila ay tunay na makakapagpasakop sa Kanya. Ganyan talaga iyan. Kung hindi ka tunay na nagpapasakop sa Diyos, hindi ka na magkakaroon ng mga oportunidad na tanggapin ang kaliwanagan ng Diyos, patnubay, o pagiging perpekto. Itinaboy mo ang lahat ng oportunidad na ito upang ikaw ay magawang perpekto ng Diyos. Hindi mo gusto ang mga ito. Tinatanggihan, iniiwasan, at tuloy-tuloy mong iniilagan ang mga ito. Palagi mong pinipili ang isang kapaligiran na may mga kaginhawahan ng laman at malaya sa pagdurusa. Ito ay isang problema! Hindi mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Hndi mo mararanasan ang patnubay ng Diyos, ang pamumuno ng Diyos, at ang pangangalaga ng Diyos. Hindi mo nakikita ang mga gawa ng Diyos. Bilang resulta, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi mo makakamit ang tunay na pagtitiwala—wala kang makakamit na anuman! Kung hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi mo makakamit ang salita ng Diyos upang gawin itong buhay mo, makakamit ka ba ng Diyos? Tiyak na hindi. Ano ang pangunahing bagay na binabalak mong makamit sa pamamagitan ng pagiging naliwanagan, napatnubayan, at nagawang perpekto ng Diyos? Nakamit mo ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang salita ng Diyos ay nagiging realidad mo, ang pinagmumulan ng buhay mo, at ang prinsipyo, batayan, at pamantayan para sa lahat kilos mo. Kapag ganito ang sitwasyon, ano ang ipinamumuhay mo? Isang tiwaling disposisyon pa rin? (Hindi.) Sasabihin ba ng Diyos sa iyo na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas”? (Hindi niya sasabihin ito.) Ano ang sasabihin ng Diyos? Ano ang depinisyong ibinigay ng Diyos kay Job? (May takot siya sa Diyos at umiiwas sa masama, siya ay isang perpektong tao.) Naaakmang sipiin dito ang mga salitang iyan. Kung nais ninyong matamo ang titulo at depinisyong ibinigay ng Diyos kay Job, madali ba itong gawin? (Hindi.) Hindi ito madali. Dapat mong mapalugod ang puso ng Diyos sa lahat ng bagay, hanapin ang mga layunin ng Diyos kahit saan, kumilos alinsunod sa layunin ng Diyos, at magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung sinasabi mo lang na magpapasakop ka sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ngunit pagkatapos ay sinisikap mong analisahin kung bakit ang ilang pangyayari, mga tao, kaganapan at bagay ay nangyayari sa iyo, may mga reklamo ka at maling pagkaunawa, at mali ang interpretasyon ukol sa mga layunin ng Diyos, iyan ang lubhang nakapagpapalungkot sa Diyos! Kung hindi mo gusto ang Diyos, hindi ka gugustuhin ng Diyos. Wala kayong magiging kaugnayan sa isa’t isa. Hindi ba ito magiging problema kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy nang ganito? Dahil hindi ka isang nilikha ng Diyos, hindi ang Diyos ang iyong Kataas-taasan, ni hindi ang Diyos mo. Paano ka ilalarawan ng Diyos sa huli? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Gusto ba ninyong marinig tungkol sa inyo ang mga salitang ito? (Hindi.) Ano ang ibig sabihin kung sinabi ito tungkol sa inyo? (Ibig sabihin na kami ay kinondena, itiniwalag, at pinarusahan ng Diyos.) Hindi iyan mabuti kahit kailan! Sa oras na ikaw ay kinondena at itiniwalag ng Diyos, hindi ito tulad ng pagkondena ng isang lider o isang taong nasa awtoridad—ang Diyos iyon! Binibigyan ka ng Diyos ng buhay at sinusuportahan ang iyong buhay. Ngayong hindi ka gusto ng Diyos, kaya mo pa bang mabuhay? (Hindi.) Ano ang ibig sabihin nito? Ipinahihiwatig nito ang pangwakas na kahihinatnan para sa iyo, na hindi isang magandang bagay. Hindi ito magandang senyales kahit kailan. Kung sasabihin ko na ang isang tao ay may takot sa Diyos at umiiwas sa masama at siya’y isang perpektong tao, ito ay mabuting senyales, at ang pagpapala ng Diyos ay tiyak na darating sa ganoong tao. Ano ang dapat ninyong maging palagay sa mga salitang ginamit ng Diyos upang suriin si Job? Kung iisipin mo ang tungkol sa kung ano ang kinain ni Job, ano ang isinuot niya, paano siya naglakad, at anong katauhan ang mayroon siya at susubuking gayahin ang mga bagay na ito, ginagawa mo ito nang mali. Kailangan mong mabilis na magmuni-muni at maghanap, na iniisip na, “Paano ito ginawa ni Job? Ano ang ipinamuhay niya upang tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos? Sinabi ng Diyos na si Job ay may takot sa Diyos at iniwasan ang masama, na siya ay isang perpektong tao. Hindi iyan maliit na bagay. Iyan mismo ang sinabi ng Diyos. Dapat kong tularan ang halimbawa ni Job, hanapin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama, at magsikap na maging isang tao rin na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama. Gagawin ko ito nang sa gayon ay sasang-ayunan din ako ng Diyos at tatawagin ako sa pamamagitan ng titulong ito. Nais kong maging isang perpektong tao sa mata ng Diyos.” Ang ganitong pag-iisip ay naaayon sa mga layunin ng Diyos.

Disyembre 30, 2016

Sinundan: Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Sumunod: Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito