Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili
Ano ang layon ng pananalig ng tao sa Diyos? (Ang mailigtas.) Ang kaligtasan ay isang walang hanggang paksa sa pananalig sa Diyos. Kaya paano ba matatamo ang kaligtasan? (Sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan at palagiang pamumuhay sa harap ng Diyos.) Isang uri iyan ng pagsasagawa. Ano ang matatamo sa palagiang pamumuhay sa harap ng Diyos? Ano ang pakay? (Ang makabuo ng isang normal na kaugnayan sa Diyos.) (Ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, at ang maunawaan ang katotohanan at matamo ang tunay na pagkakilala sa Diyos.) Ano pa? (Ang hanapin ang katotohanan, ang gawing buhay natin ang katotohanan.) Madalas na sinasabi ang mga ito sa mga sermon, espirituwal na mga ekspresyon ang mga ito. Ano pa? (Ang maranasan ang pagpupungos ng Diyos, kasama ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at ang Kanyang mga pagsubok at pagpipino nang mapagnilayan at makilala natin ang ating sarili at hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga tiwali nating disposisyon sa gitna ng prosesong ito, gayundin ang matamo ang tunay na pagkakilala sa Diyos, at sa wakas ay maging isang taong taglay ang katotohanan at pagkatao.) Tila marami na kayong naunawaan sa mga sermon mula sa nakaraang ilang taon. Kung gayon, magagamit ba sa inyong mga karanasan ang mga nauunawaan ninyong ito upang malutas ang ilang tunay na problema at paghihirap? Halimbawa, ang mga maling kaisipan at ideya, at ang paminsan-minsang pagkanegatibo at kahinaan, pati na ang ilang isyung may kinalaman sa mga kuru-kuro at imahinasyon: agad bang malulutas ang mga ito? Maaaring makalutas ang ilang tao ng iilang maliit na problema, pero maaari pa rin silang mahirapan sa malalaking problema na siyang pinag-ugatan. Batay sa inyong antas ngayon ng pagkaunawa sa mga katotohanan, makapaninindigan ba kayo kung mahaharap kayo sa mga pagsubok na kapareho ang uri ng kay Job? (Determinado kaming manindigan, pero hindi namin alam kung ano ang magiging tunay naming tayog kung may mangyayari talaga sa amin.) Pero hindi ba’t dapat alam ninyo ang inyong tunay na tayog, kahit wala pang nangyayari sa inyo? Mapanganib na hindi ito malaman! Alam ba ninyo ang mga praktikal na aspekto ng mga madalas na inuulit na espirituwal na kasabihan at mga nakatakdang parirala? Nauunawaan ba ninyo ang tunay na implikasyon ng bawat pariralang ito? Nauunawaan ba ninyo kung ano mismo ang katotohanang nasa mga ito? Kung alam mo, at naranasan mo na ang mga ito, pinatutunayan nito na nauunawaan mo ang katotohanan. Kung kaya mo lamang ulitin ang ilang espirituwal na kasabihan at parirala, pero walang silbi sa iyo ang mga ito kapag mayroon kang aktuwal na nararanasan, at hindi kayang lutasin ng mga ito ang iyong mga suliranin, pinatutunayan nito na matapos ang lahat ng taong ito ng pananampalataya mo sa Diyos, hindi mo pa rin nauunawaan ang katotohanan, at wala ka pang anumang tunay na karanasan. Ano ang ibig sabihin ng pagsasabi Ko nito? Pagkatapos makaabot sa puntong ito sa kanilang pananampalataya sa Diyos, mas nauunawaan na nang kaunti ng mga tao ang katotohanan kumpara sa mga relihiyonista at mga walang pananampalataya, nauunawaan nila ang ilan sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, at nagagawa nilang sumunod sa ilang bagay na may kinalaman sa regulasyon, at masasabing mayroon silang kaunting pagkaunawa at pagpapahalaga, at mayroong ilang tunay na pagkaarok, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—pero nagdulot ba ng pagbabago sa kanilang buhay disposisyon ang mga ito? Ang bawat isa sa inyo, sa kabuuan, ay kayang magsalita nang kaunti tungkol sa mga katotohanang madalas ninyong naririnig na may kaugnayan sa mga pangitain: ang mga pangitain ng gawain ng Diyos, ang layon ng gawain ng Diyos, at ang mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan; at ang kaalamang sinasabi ninyo ay lubhang mas mataas kaysa sa kaalaman ng mga relihiyonista—pero makapagdudulot ba ang lahat ng ito ng pagbabago sa inyong disposisyon, o ng kahit bahagyang pagbabago sa inyong disposisyon? Nasusukat ba ninyo ito? Ito ay lubhang mahalaga.
Kamakailan lamang, napagbahaginan ang tungkol sa kung paano ba mismo makikilala ang Diyos sa lupa, kung paano makikipag-ugnayan sa Diyos sa lupa, at kung paano bumuo ng isang normal na kaugnayan sa Diyos. Hindi ba’t ito ang pinakapraktikal na mga katanungan? Ang lahat ng ito ay mga katotohanang may kinalaman sa aspekto ng pagsasagawa, at ang pakay ng pagbabahaginan sa mga bagay na ito ay ang ipabatid sa mga tao kung paano manampalataya sa Diyos, at kung paano makipag-ugnayan sa Diyos at bumuo ng isang normal na kaugnayan sa Diyos sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Pagdating naman sa mga katotohanang may kinalaman sa pagsasagawa, sa lahat ng katotohanang inyo nang narinig, naunawaan, at kayang isagawa, kaya ba ng mga itong baguhin ang inyong disposisyon? Kung isasagawa ng mga tao ang katotohanan sa ganitong paraan at tunay na magsisikap na makamit ito, masasabi bang isinasagawa na nila ang katotohanan; at kung nagawa na nilang gawing realidad ang mga katotohanang ito, makakamit na nila ang pagbabago sa kanilang disposisyon? (Oo, masasabi.) Maraming tao ang bulag sa kung ano ang mga pagbabago sa disposisyon. Inaakala nila na ang kakayahang ulitin ang maraming espirituwal na doktrina, at maunawaan ang maraming katotohanan, ay kumakatawan sa mga pagbabago sa disposisyon. Mali ito. Mula sa punto ng pagkaunawa sa isang katotohanan, hanggang sa pagsasagawa ng katotohanang ito, at pagkatapos ay sa mga pagbabago sa disposisyon, ito ay isang mahabang proseso ng karanasan sa buhay. Paano ninyo nauunawaan ang mga pagbabago sa disposisyon? Sa lahat ng inyong naranasan hanggang sa puntong ito, nagkaroon na ba ng anumang mga pagbabago sa inyong buhay disposisyon? Maaaring hindi ninyo maunawaan nang lubos ang mga bagay na ito, at lahat ng ito ay suliranin. Ang salitang “pagbabago” sa “mga pagbabago sa disposisyon” ay hindi naman talaga napakahirap na maunawaan, kaya ano ang “disposisyon”? (Ang batas ng pag-iral ng tao, ang lason ni Satanas.) Ano pa? (Kung ano ang natural sa tao, kung ano ang nasa kanyang buhay diwa.) Paulit-ulit ninyong binabanggit ang mga espirituwal na terminong ito, pero pawang mga doktrina at balangkas ang mga ito, at hindi nagtataglay ang mga ito ng anumang detalye. Hindi ito pagkaunawa sa diwa ng katotohanan. Madalas nating pag-usapan ang mga pagbabago sa disposisyon, at ang ganitong mga paksa ay palaging tinatalakay mula sa simula ng pananalig ng mga tao sa Diyos, kung dumadalo man sila sa isang pagtitipon o nakikinig sa isang sermon; ang mga ito ang mga bagay na dapat subukang unawain ng mga tao kapag nananampalataya sila sa Diyos. Pero pagdating sa kung ano ba mismo ang mga pagbabago sa disposisyon, kung mayroon na bang pagbabago sa sarili nilang disposisyon, at kung posible bang magtamo ng pagbabago—maraming tao ang mangmang sa mga bagay na ito, hindi nila kailanman inisip ang mga ito, ni alam kung saan ba magsisimulang pag-isipan ang mga ito. Ano ba ang disposisyon? Isa itong mahalagang paksa. Sa sandaling maunawaan mo ito, humigit-kumulang ay mauunawaan mo ang mga tanong gaya ng kung mayroon na ba o wala pang pagbabago sa iyong disposisyon, sa kung anong antas na ba ito nagbago, kung ilan na ba ang naging pagbabago, at kung mayroon na bang pagbabago sa iyong disposisyon matapos mong maranasan ang ilang bagay. Upang matalakay ang mga pagbabago sa disposisyon, kailangang maunawaan mo muna kung ano ang disposisyon. Alam ng lahat ang salitang “disposisyon,” pamilyar ang lahat dito. Pero hindi nila alam kung ano ang disposisyon. Kung ano ba talaga ang disposisyon ay hindi madaling ipaliwanag nang malinaw sa iilang salita lang, at hindi ito maipaliliwanag bilang isang pangngalan, dahil ito ay masyadong abstrakto at mahirap maarok. Bibigyan Ko kayo ng halimbawang makapagpapaunawa sa inyo. Ang mga tupa at ang mga lobo ay kapwa mga hayop. Kumakain ng damo ang mga tupa, at kumakain naman ng karne ang mga lobo. Ito ay tinutukoy ng kanilang kalikasan. Kung isang araw ay kumain ng karne ang mga tupa at kumain ng damo ang mga lobo, nagbago na ba ang kanilang kalikasan? (Hindi.) Kapag walang anumang damo na makakain ang isang tupa, at labis itong nagugutom, kakain ito ng karne kung bibigyan ng kaunti, pero mananatiling napakaamo sa iyo ng tupa. Ito ang disposisyon, ito ang kalikasang diwa ng tupa. Sa anong aspekto naipapakita ang pagiging maamo ng isang tupa? (Hindi nito inaatake ang mga tao.) Tama iyan—isa itong maamong disposisyon. Ang disposisyong ipinakikita ng isang tupa ay pagiging maamo at masunurin. Hindi ito mabagsik, kundi maamo at mabait. Iba naman ang mga lobo. Ang disposisyon nito ay malupit at kinakain nito ang lahat ng uri ng maliliit na hayop. Lubhang mapanganib ang makatagpo ng isang gutom na lobo, maaari ka nitong subukang kainin kahit pa hindi mo ito galitin. Ang disposisyon ng isang lobo ay hindi maamo o mabait, kundi malupit at mabangis, nang wala ni katiting na habag o awa. Gayon ang disposisyon ng isang lobo. Ang mga disposisyon ng mga lobo at ng mga tupa ay kumakatawan sa kanilang kalikasang diwa. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil ang mga bagay na naibubunyag sa mga ito ay natural na ibinubunyag ang mga sarili nito anuman ang konteksto, nang walang panghihimasok o pang-uudyok ng tao; natural na naibubunyag ang mga ito, nang hindi kinakailangan ang dagdag na panghihimasok ng tao. Ang kalupitan at kabangisan ng mga lobo ay hindi pilit na inilalabas sa mga ito ng mga tao, at hindi rin ikinikintal ng mga tao sa mga tupa ang kabaitan at kaamuan ng mga ito; isinilang ang mga hayop na ito na taglay na ang mga disposisyong ito, ito ay mga bagay na natural na naibubunyag, ito ang diwa ng mga ito. Ito ang disposisyon. Binibigyan ba kayo ng halimbawang ito ng kaunting pagkaunawa sa kung ano ang disposisyon? (Oo.) Hindi ito isang konseptuwal na bagay, hindi tayo nagpapaliwanag ng kung anong pangngalan. May katotohanan dito. Kaya, ano ang katotohanan dito? Ang disposisyon ng tao ay may kaugnayan sa kalikasan ng tao. Ang disposisyon ng tao at ang kalikasan ng tao ay kapwa kay Satanas, ang mga ito ay antagonistiko at mapanlaban sa Diyos. Kung hindi matatanggap ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos at hindi sila magbabago, ang isinasabuhay at natural na naibubunyag ng mga tao ay magiging walang iba kundi masama, negatibo, at lumalabag sa katotohanan—hindi ito mapag-aalinlanganan.
Katatapos lang nating talakayin ang mga disposisyon ng mga tupa at mga lobo. Ang dalawang ito ay ganap na magkaibang mga hayop: Ang bawat isa sa mga ito ay may sariling disposisyon at mga bagay na naibubunyag sa mga ito. Pero ano ang kaugnayan nito sa disposisyon ng tao? Kung titingnang muli kung ano ba mismo ang disposisyon ng tao sa pamamagitan ng halimbawang ito, ano-anong uri ng mga tiwaling disposisyon ang mayroon? (Sa pangkalahatan ay malalaman natin kung anong uri ng disposisyon mayroon ang mga tao sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila. Halimbawa, habang kausap ang isang tao, maaari nating madama na paliguy-ligoy siya kung magsalita, na palagi siyang hindi diretsang magsalita, kung kaya’t hindi malaman ng iba kung ano ba talaga ang ibig niyang sabihin, na nangangahulugang mayroon siyang mapanlinlang na disposisyon. Makakukuha tayo ng pangkalahatang ideya mula sa madalas niyang sabihin at gawin, mula sa kanyang mga kilos at pag-uugali.) Makikita mo ang ilang problema sa disposisyon kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao. Matapos ninyong marinig ang halimbawang ito, tila mayroon na kayong pangkalahatang ideya tungkol sa kung ano ang mga disposisyon. Kaya aling tiwaling mga disposisyon mayroon ang lahat ng tao? Aling mga disposisyon ang hindi namamalayan ng mga tao, at hindi nararamdaman, ngunit walang dudang mga tiwaling disposisyon? Sabihin, halimbawa, na masyadong sentimental ang ilang tao, at sinasabi ng Diyos, “Masyado kang sentimental. Pagdating sa isang taong gusto mo o isang bagay na may kinalaman sa iyong pamilya, kahit sino pa ang sumubok na unawain ang sitwasyon nila o kung ano ba talaga ang nangyayari, hindi ka nagsasabi ng anumang tungkol sa kanila, at patuloy mo silang pinagtatakpan. Ito ay pagiging sentimental.” Naririnig nila ito, at nauunawaan, kinikilala, at tinatanggap nila ito bilang isang katunayan. Kinikilala nilang tama ang mga salita ng Diyos, na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at nagpapasalamat sila sa Diyos para sa paglalantad nito sa kanila. Makikita ba rito ang kanilang disposisyon? Malinaw ba na tinatanggap nila ang katotohanan, na tinatanggap nila ang mga katunayan, na hindi sila lumalaban, at mapagpasakop sila? (Hindi. Depende ito sa kung paano sila kumilos kapag nahaharap sa mga problema, at kung magkapareho ba ang sinasabi nila at ang ginagawa nila.) Hindi ka nalalayo. Sa panahong iyon, tumatanggap sila—pero kalaunan, kapag nangyari sa kanila ang gayong bagay, walang pagbabago sa kung paano sila kumilos. Kinakatawan nito ang isang uri ng disposisyon. Anong disposisyon? Nakikinig sila noong panahong iyon, pagkatapos ay pinag-isipan nila ito at sinabi nila sa kanilang sarili, “Paanong hindi ko malalaman na sentimental ako matapos kong makinig ng napakaraming sermon? Sentimental ako, pero sino ba ang hindi? Kung hindi ko pagtatakpan ang aking pamilya at ang mga taong malapit sa akin, sino ang gagawa niyon? Maging ang isang taong may kakayahan ay kailangan ang suporta ng tatlo pang tao.” Ito ang talagang iniisip nila. Pagdating ng panahon para kumilos, ang iniisip at pinaplano nila sa kanilang puso, at ang saloobin nila sa mga salita ng Diyos, ay lahat natutukoy ng kanilang disposisyon. Ano ang kanilang saloobin? “Maaaring sabihin at ilantad ng Diyos ang anumang nais Niya, at tatanggapin ko ang anumang dapat kong tanggapin kapag ako ay nasa harapan Niya, pero nakapagpasya na ako, at wala akong balak na iwaksi ang aking mga damdamin.” Ito ba ang kanilang disposisyon? Ipinakita na ng disposisyon nila ang sarili nito at nalantad na ang kanilang tunay na mukha, hindi ba? Sila ba ay taong tumatanggap sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Ito ay pagiging mapanlaban. Sa harap ng Diyos, sinasabi nilang Amen at nagpapanggap silang tumatanggap. Pero nananatiling hindi naantig ang kanilang puso. Hindi nila sineseryoso ang mga salita ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, at lalo nang hindi nila isinasagawa ang mga ito bilang ang katotohanan. Isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? At hindi ba’t ang disposisyong gaya nito ay pagbubunyag ng isang uri ng kalikasan? (Oo.) Kung gayon, ano ang diwa ng ganitong uri ng disposisyon? Ito ba ay katigasan ng kalooban? (Oo.) Katigasan ng kalooban: isa itong uri ng disposisyon ng tao, at makikita ito sa lahat ng tao. Bakit Ko sinasabing isa itong disposisyon? Isa itong bagay na nagmumula sa kalikasang diwa ng mga tao. Hindi mo ito kailangang pag-isipan, hindi kailangang turuan o impluwensiyahan ng ibang tao ang iyong mga iniisip, at hindi rin kailangan na ilihis ka ni Satanas; natural itong nabubunyag sa iyo, at nagmumula ito sa kalikasan mo. May ilang tao na laging sinisisi si Satanas sa anumang masasamang bagay na ginawa nila. Palagi nilang sinasabi, “Inilagay ni Satanas sa isip ko ang ideyang iyon, si Satanas ang nagtulak sa akin na gawin iyon.” Isinisisi nila kay Satanas ang lahat ng masama, at hindi nila kailanman inaamin ang mga problemang nasa kalikasan nila. Tama ba ito? Hindi ka ba nagawang tiwali ni Satanas nang malalim? Kung hindi mo ito aaminin, paanong nabubunyag sa iyo ang disposisyon ni Satanas? Siyempre, mayroon ding mga pagkakataon kung kailan nanggagambala si Satanas, tulad na lamang kapag nililihis ang mga tao at itinutulak na gumawa ng isang bagay ng isang taong masama o ng isang anticristo, o kapag gumagawa ang isang masamang espiritu at naglalagay sa kanila ng mga kaisipan—pero eksepsiyon lamang ang mga ito; kadalasan ay pinaghaharian ang mga tao ng kanilang satanikong kalikasan at nagbubunyag sila ng lahat ng uri ng tiwaling mga disposisyon. Kapag kumikilos ang mga tao ayon sa sarili nilang mga kagustuhan at pagkahilig, kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang pamamaraan, ayon sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon, kung gayon ay namumuhay sila ayon sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon, at kapag namumuhay sila ayon sa mga ito, namumuhay sila ayon sa sarili nilang kalikasan. Mga hindi mapabubulaanang katunayan ang mga ito. Kapag pinamamahalaan ang mga tao ng kanilang satanikong kalikasan, kapag namumuhay sila ayon sa sataniko nilang kalikasan, ang lahat ng nagbubunyag sa kanila ay ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon; hindi ito maisisisi kay Satanas, hindi mo puwedeng sabihing ipinadala ni Satanas ang mga kaisipang ito. Dahil lubos nang nagawang tiwali ang mga tao, sila ay kay Satanas, at dahil hindi na naiiba kay Satanas ang mga tao, at sila ay mga nabubuhay na demonyo, mga nabubuhay na Satanas, hindi mo dapat isisi kay Satanas ang lahat ng satanikong nabubunyag sa kalooban mo. Hindi ka mas mabuti kaysa kay Satanas, at iyan ay ang iyong tiwaling disposisyon.
Anong uri ng kalagayan ang nasa loob ng mga tao kapag mayroon silang matigas ang kalooban na disposisyon? Pangunahin na matigas ang kanilang ulo at inaakala nilang mas matuwid sila kaysa sa iba. Palagi silang kumakapit sa sarili nilang mga ideya, palagi nilang iniisip na tama ang kanilang sinasabi, ganap silang nagmamatigas, at hindi nagbabago ang kanilang pananaw. Ito ang saloobin ng katigasan ng kalooban. Para silang sirang plaka, hindi nakikinig kaninuman, nananatiling hindi nagbabago ang landas ng pagkilos, ipinipilit na magpatuloy rito, tama man ito o mali; may kaunting kawalan ng pagsisisi rito. Gaya nga ng kasabihan, “Hindi takot sa kumukulong tubig ang mga patay na baboy.” Alam na alam ng mga tao kung ano ang tamang gawin, pero hindi nila ito ginagawa, matatag nilang tinatanggihang tanggapin ang katotohanan. Isa itong uri ng disposisyon: ang katigasan ng kalooban. Sa ano-anong uri ng sitwasyon kayo nagbubunyag ng matigas ang kalooban na disposisyon? Madalas ba kayong matigas ang kalooban? (Oo.) Napakadalas! At dahil disposisyon mo ang katigasan ng kalooban, kasama mo ito sa bawat segundo ng bawat araw ng iyong pag-iral. Pinipigilan ng katigasan ng kalooban ang mga tao na lumapit sa Diyos, pinipigilan sila nito na magawang tanggapin ang katotohanan, at pinipigilan sila nito na makapasok sa katotohanang realidad. At kung hindi ka makapapasok sa katotohanang realidad, magkakaroon ba ng pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? Oo pero sobrang mahirap ito. Mayroon na ba ngayong anumang pagbabago sa aspektong ito ng inyong matigas ang kalooban na disposisyon? At gaano kalaking pagbabago na ang nangyari? Sabihin, halimbawa, na dati ay napakatigas ng iyong ulo, pero may kaunti nang pagbabago sa iyo ngayon: Kapag nahaharap ka sa isang isyu, nakakaramdam ka ng konsensiya sa iyong puso, at sinasabi mo sa iyong sarili, “Kailangan kong isagawa ang kaunting katotohanan sa bagay na ito. Dahil inilantad na ng Diyos ang matigas ang kalooban na disposisyong ito—dahil narinig ko na ito, at alam ko na ito ngayon—kailangan ko nang magbago, kung gayon. Nang ilang beses akong maharap sa ganitong mga uri ng mga bagay noon, pinagbigyan ko ang aking laman at nabigo ako, at hindi ako kontento rito. Sa pagkakataong ito, kailangan kong isagawa ang katotohanan.” Kapag may ganitong determinasyon, posibleng maisagawa ang katotohanan, at ito ay pagbabago. Kapag matagal-tagal ka nang may karanasan sa ganitong paraan, at kaya mong isagawa ang mas marami pang katotohanan, at nagdudulot ito ng mas malalaking pagbabago, at nababawasan nang nababawasan ang pagbubunyag ng iyong mapaghimagsik at matigas ang kalooban na mga disposisyon, nagkaroon na ba ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon? Kung nakikitang mas nababawasan ang iyong mapaghimagsik na disposisyon, at nagiging mas mapagpasakop ka na sa Diyos, nagkaroon na ng totoong pagbabago. Kaya, hanggang sa anong antas mo kailangang magbago para matamo mo ang tunay na pagpapasakop? Nagtagumpay ka na kapag wala ni katiting na katigasan ng kalooban, kundi pagpapasakop lamang. Isa itong mabagal na proseso. Hindi nangyayari sa isang magdamag lang ang mga pagbabago sa disposisyon, inaabot ito ng mahahabang panahon ng karanasan, maging ng habambuhay. Kung minsan, kinakailangang magdusa ng maraming matinding paghihirap, mga paghihirap na kagaya ng pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli, mga paghihirap na mas masakit at mas mahirap pa kaysa sa pagtatanggal ng lason mula sa iyong mga buto. Kaya, gaano kalaki ang nabago sa inyong matigas ang kalooban na disposisyon? Nagagawa ba ninyo itong sukatin? (Noon, naniwala akong dapat gawin ang ilang bagay sa isang partikular na paraan. Nang magbigay ng naiibang perspektiba ang mga tao, hindi ako nakinig, at saka ko lamang napagtanto nang dumanas ako ng mga tunay na dagok. Ngayon ay medyo bumuti na ako. Nakakaramdam ako ng pagtutol kapag nagpapahayag ng naiibang mga pananaw ang mga tao, pero nagagawa ko kalaunan na tanggapin ang ilan nilang sinasabi.) Ang pagbabago sa saloobin ay isa pang uri ng pagbabago; nangangahulugan ito na mayroon nang kaunting pagbabago. Hindi ito kagaya ng dati, kung saan alam mong tama iyong iba, pero tinanggihan mo ito at tumanggi kang tanggapin ito, nakakapit pa rin sa sarili mong mga kinikilingan; hindi na ito ang kaso ngayon. Nabaligtad na ang iyong saloobin. Gaano kalaki na ang ipinagbago mo kapag nagbago ka na nang ganito? Ni wala pang sampung porsiyento. Nangangahulugan ang sampung porsiyentong pagbabago na kahit papaano, matapos ipahayag ng ibang tao ang naiiba nitong perspektiba, wala kang anumang nararamdamang pagtutol o mga naiisip na paglaban; mayroon kang normal na saloobin. Bagama’t hindi ka pa rin masaya rito sa iyong puso, wala kang saloobing matigas ang kalooban, kaya mo itong talakayin kasama ang taong iyon, may kaunting pagpapasakop kapag nagsasagawa ka, at hindi mo ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon lang sa sarili mong mga ideya. Pagkatapos nito, may mga pagkakataon na pinipili mo ang sarili mong mga ideya, at mga pagkakataon na nagagawa mong tanggapin ang sinasabi ng ibang mga tao. Pabalik-balik ang mga pagbabago sa disposisyon. Kailangan mong maranasan ang di-mabilang na mga dagok upang makapagtamo ka ng kaunting pagbabago, at di-mabilang na mga kabiguan upang magtagumpay ka, kaya hindi madali para sa disposisyon mo na magbago nang hindi nakararanas ng ilang taon ng mga pagsubok at pagpipino. Kung minsan, kapag maayos ang estado ng pag-iisip ng mga tao, kaya nilang tumanggap ng mga tamang bagay na sinasabi ng iba, pero kapag sila ay nalulungkot, hindi nila hinahanap ang katotohanan. Hindi ba’t inaantala nito ang mga bagay-bagay? Kung minsan, kapag hindi mo nakakasundo ang iyong katuwang, hindi mo hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo, at namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Kung minsan, kapag nakikipagtulungan ka sa iba at mas mahusay ang kanilang kakayahan kaysa sa iyo at mas magaling sila sa iyo, pakiramdam mo ay nalilimitahan ka nila, at wala kang lakas ng loob na panindigan ang mga prinsipyo kapag nahaharap ka sa isang isyu. Kung minsan, mas magaling ka kaysa sa iyong katuwang, at kumikilos siya nang may kahangalan, at hinahamak mo siya at ayaw mong makipagbahaginan sa kanya ang katotohanan. Kung minsan, nais mong isagawa ang katotohanan pero nililimitahan ka ng mga damdamin ng laman. Kung minsan, nag-iimbot ka sa mga kasiyahan ng laman, at bagama’t maaaring nais mo, hindi mo magawang maghimagsik laban sa laman. Kung minsan, nakikinig ka sa isang sermon at nauunawaan mo ang katotohanan, pero hindi mo ito maisagawa. Madali bang lutasin ang mga problemang ito? Kung mag-isa ka lang, hindi madaling lutasin ang mga ito. Maaari lamang isailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok at pagpipino, gawin silang labis na magdusa at kalaunan ay makaramdam ng kahungkagan sa kalooban nila kung wala ang katotohanan, at na para bang hindi sila maaaring mabuhay kung wala ang katotohanan. Pinipino nito ang mga tao upang magkaroon ng pananalig at pinaparamdam sa kanila na para bang kailangan nilang pagsikapan ang katotohanan, na hindi mapapayapa ang puso nila hangga’t hindi nila isinasagawa ang katotohanan, at na daranas sila ng matinding pagdurusa kung hindi sila makakapagpasakop sa Diyos. Gayon ang epektong natatamo ng mga pagsubok at pagpipino. Ganito kahirap ang mga pagbabago sa disposisyon. Bakit Ko sinasabi sa inyo na hindi madali ang mga ito? Maaari kayang hindi Ako natatakot na magiging negatibo kayo? Ito ay para ipaalam sa inyo kung gaano kahalaga ang mga pagbabago sa disposisyon. Nais Kong bigyan ninyo itong lahat ng pansin, na itigil na ninyo ang paghahangad sa mga di-makatotohanan, mapagpaimbabaw, at huwad na espirituwal na imahen, na itigil na ang palaging pagsunod sa mabubulaklak na espirituwal na doktrina, kagawian, at regulasyon; ang paggawa nito ay magpapahamak sa inyo at hindi magbibigay ng pakinabang sa inyo kahit kaunti.
Katatapos lang natin talakayin ang isang aspekto ng disposisyon: ang katigasan ng kalooban. Ang katigasan ng kalooban ay madalas na isang uri ng saloobin na natatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Kadalasan, hindi ito malinaw sa panlabas, pero kapag malinaw ito, madali itong makita, at sasabihin ng mga tao, “Matigas ang ulo nila! Hindi nila tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti—labis silang matigas ang kalooban!” Ang mga taong may matigas ang kalooban na disposisyon ay nakapako sa iisang pamamaraan, at kumakapit sa iisang bagay lamang, hindi kailanman bumibitiw. Kaya, ito ba ang nag-iisang panig ng disposisyon ng mga tao? Siyempre hindi—marami pang iba. Tingnan ninyo kung masasabi ninyo kung anong uri ng disposisyon ang sunod Kong ilalarawan. Sinasabi ng ilang tao, “Sa sambahayan ng Diyos, hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos, dahil ang Diyos lamang ang nagtataglay ng katotohanan; hindi taglay ng mga tao ang katotohanan, mayroon silang tiwaling mga disposisyon, hindi maaasahan ang anumang sinasabi nila, kaya sa Diyos lang ako nagpapasakop.” Tama ba sila sa pagsasabi nito? (Hindi.) Bakit hindi? Anong uri ng disposisyon ito? (Ito ay mapagmataas at palalo.) (Ang disposisyon ni Satanas, ang arkanghel.) Isa itong mapagmataas na disposisyon. Huwag ninyong laging sabihin na disposisyon ito ni Satanas o disposisyon ng arkanghel, napakalawak ng ganitong pananalita at malabo ito, mahirap para sa mga tao na maunawaan. Mas partikular na sabihin na lang na isa itong mapagmataas na disposisyon. Siyempre, hindi lang ito ang uri ng disposisyon na ibinubunyag ng mga ito, napakalinaw lang na ibinubunyag ng mapagmataas na disposisyon ang sarili nito. Sa pagsasabing isa itong mapagmataas na disposisyon, madaling makakaunawa ang mga tao, kaya pinakaangkop ang ganitong paraan ng pananalita. Ang ilang tao ay may ilang kasanayan, ilang kaloob, ilang bahagyang kagalingan, at nakagawa sila ng ilang gawa para sa iglesia. Ang iniisip ng mga taong ito ay, “Kabilang sa inyong pananalig sa Diyos ang buong araw na pagbabasa, pagkopya, pagsusulat, pagsasaulo ng salita ng Diyos gaya ng isang espirituwal na tao. Ano ang saysay niyon? Makagagawa ba kayo ng anumang tunay? Paano ninyo natatawag ang sarili ninyo na espirituwal gayong wala naman kayong nagagawa? Wala kayong buhay. Mayroon akong buhay, ang lahat ng ginagawa ko ay tunay.” Anong disposisyon ito? Mayroon silang ilang natatanging kasanayan, ilang kaloob, kaya nilang gumawa ng kaunting kabutihan, at itinuturing nila ang mga ito bilang buhay. Bilang resulta, wala silang sinusunod na sinuman, hindi sila natatakot na pangaralan ang sinuman, hinahamak nila ang ibang tao—pagmamataas ba ito? (Oo.) Ito ay pagiging mapagmataas. Sa ano-anong sitwasyon kadalasang nagbubunyag ng pagiging mapagmataas ang mga tao? (Kapag mayroon silang ilang kaloob o natatanging kasanayan, kapag nakagagawa sila ng ilang praktikal na bagay, kapag mayroon silang kapital.) Isang uri iyan ng sitwasyon. Kung gayon, hindi ba mapagmataas ang mga taong walang kaloob o anumang natatanging kasanayan? (Mapagmataas din sila.) Madalas sabihin ng taong katatapos lang nating pag-usapan, “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos,” at matapos itong marinig, iisipin ng mga tao, “Napakamapagpasakop ng taong ito sa katotohanan, hindi siya nagpapasakop sa iba kundi sa katotohanan lang, tama ang sinasabi niya!” Ang totoo, napapaloob sa tila wastong mga salitang ito ang isang uri ng mapagmataas na disposisyon: Malinaw na ang ibig sabihin ng “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos” ay na hindi siya nagpapasakop sa sinuman. Tatanungin Ko kayo, talaga bang nakakapagpasakop sa Diyos ang mga nagsasabi ng gayong mga salita? Hindi sila kailanman nakakapagpasakop sa Diyos. Ang mahihilig magsabi ng gayong mga salita ay walang dudang ang mga pinakamapagmataas sa lahat. Sa panlabas, tila tama ang sinasabi nila—pero ang totoo, ito ang pinakatusong paraan kung saan maipapamalas ang mapagmataas na disposisyon. Ginagamit nila itong “maliban sa Diyos” para subukang patunayan na sila ay makatwiran, pero ang totoo, gaya iyon ng pagbabaon ng ginto at paglalagay ng karatula sa ibabaw na nagsasabing “Walang nakabaong ginto rito.” Hindi ba’t kahangalan ito? Ano ang masasabi ninyo, aling uri ng tao ang pinakamapagmataas? Ano-anong mga sinasabi ng tao ang nagpapakita ng sukdulang pagmamataas? Marahil ay nakarinig na kayo noon ng ilang mapagmataas na bagay. Alin ang pinakamapagmataas sa mga ito? Alam ba ninyo? May nangangahas bang sabihin, “Hindi ako nagpapasakop sa sinuman—maging ang Langit o lupa, ni ang mga salita ng Diyos”? Tanging ang malaking pulang dragon, ang masamang diyablong ito, ang nangangahas sabihin ito. Walang sinumang nananampalataya sa Diyos ang magsasabi nito. Gayunman, kung sinasabi ng mga nananampalataya sa Diyos na, “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos,” hindi sila gaanong naiiba sa malaking pulang dragon, magkapantay sila sa pagiging nangingibabaw sa mundo, sila ang pinakamapagmataas sa lahat. Ano ang masasabi ninyo, mapagmataas ang lahat ng tao, pero mayroon bang pagkakaiba sa pagiging mapagmataas nila? Saan ninyo nakikita ang pagkakaiba? Ang lahat ng tiwaling tao ay may mapagmataas na disposisyon, pero may mga pagkakaiba sa pagiging mapagmataas nila. Kapag umabot na sa isang antas ang pagiging mapagmataas ng isang tao, ganap nang nawala ang kanyang katwiran. Ang pagkakaiba ay kung may katwiran ba sa sinasabi ng isang tao. Mapagmataas ang ilang tao ngunit mayroon pa ring kaunting katwiran. Kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan, may pag-asa pa silang mailigtas. Ang ilan ay sobrang mapagmataas kung kaya’t wala na silang katwiran—walang hangganan ang kanilang pagiging mapagmataas—at hindi kailanman matatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan. Kung sa sobrang mapagmataas ng mga tao ay wala na silang katwiran, ganap na silang walang kahihiyan at hangal na mapagmataas lang sila. Ang lahat ng ito ay mga pagbubunyag at pagpapamalas ng isang mapagmataas na disposisyon. Paano nila nasasabi ang isang bagay na gaya ng “Hindi ako nagpapasakop kaninuman maliban sa Diyos” kung wala silang mapagmataas na disposisyon? Tiyak na hindi nila iyon masasabi. Walang duda, kung may mapagmataas na disposisyon ang isang tao, may pagpapamalas siya ng pagiging mapagmataas, at walang dudang magsasabi at gagawa ang taong iyon ng mga bagay na mapagmataas, nang walang anumang katwiran. Sinasabi ng ilang tao, “Wala akong mapagmataas na disposisyon, pero nabubunyag sa akin ang gayong mga bagay.” Makatwiran ba ang gayong mga salita? (Hindi.) Sinasabi ng iba, “Hindi ko mapigilan ang sarili ko. Sa sandaling hindi ako mag-ingat, may nasasabi akong mapagmataas.” Makatwiran ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ano ang pinag-uugatan ng mga salitang ito? (Ang hindi pagkakilala sa sarili.) Hindi—alam nilang mapagmataas sila, pero kapag naririnig nila ang iba na kinukutya sila, sinasabing, “Bakit napakamapagmataas mo? Ano ang ipinagyayabang mo?” ay napapahiya sila, kung kaya’t sinasabi nila ang gayong mga bagay. Hindi iyon makayanan ng kanilang pride, naghahanap sila ng palusot para mapagtakpan ito, para mabalatkayo ito, para ikubli ito, at makalusot sila. Kaya walang katwiran ang kanilang mga salita. Kapag hindi pa nalulutas ang iyong mapagmataas na disposisyon, mapagmataas ka kahit kapag hindi ka nagsasalita. Nasa kalikasan ng mga tao ang pagiging mapagmataas, nakakubli ito sa kanilang puso, at maaaring mabunyag anumang oras. Kaya, hangga’t walang pagbabago sa disposisyon, ang mga tao ay mananatiling mapagmataas at mag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba. Magbibigay Ako ng halimbawa. Dumating sa isang iglesia ang isang bagong halal na lider at natuklasan niya na ang pagtingin sa kanya ng mga tao at ang ekspresiyon sa kanilang mukha ay medyo hindi sabik. Iniisip niya, “Hindi ba ako tinatanggap dito? Ako ang bagong halal na lider; paano ninyo ako natatrato nang may ganyang saloobin? Bakit hindi kayo humahanga sa akin? Pinili ako ng mga kapatid, kaya mas mataas ang espirituwal kong tayog kaysa sa inyo, hindi ba?” Kaya bilang resulta, sasabihin niya, “Ako ang bagong halal na lider. Maaaring hindi ako tanggapin ng ilang tao, pero hindi iyon mahalaga. Magpaligsahan tayo nang makita kung sino ang nakapagsaulo ng mas maraming sipi ng mga salita ng Diyos, kung sino ang kayang makipagbahaginan ng mga katotohanan ng mga pangitain. Ibibigay ko ang posisyon ng pagiging lider sa sinumang makapagbabahagi ng mga katotohanan nang mas malinaw kaysa sa akin. Anong masasabi ninyo?” Anong uri ng taktika ito? Kapag walang pakialam ang mga tao sa kanya, hindi siya kontento at gusto niya silang magdusa at gantihan; ngayong lider na siya, gusto niyang pangibabawan ang mga tao—gusto niyang siya ang nasa itaas. Anong disposisyon ito? (Pagiging mapagmataas.) At madali bang lutasin ang mapagmataas na disposisyon? (Hindi.) Napakadalas na naibubunyag ng mga mapagmataas na disposisyon ng tao ang sarili ng mga ito. Para sa ibang tao, nakakainis na marinig ang ibang tao na makipagbahaginan ng bagong kaliwanagan at pagkaunawa: “Bakit wala akong masabi tungkol dito? Hindi ito maaari, kailangan kong mag-isip at makaisip ng mas maganda.” Kaya nagbubulalas sila ng maraming doktrina, sinusubukang mahigitan ang iba. Anong disposisyon ito? Ito ay pakikipag-agawan para sa kasikatan at pakinabang; pagiging mapagmataas din ito. Sa mga bagay na may kinalaman sa disposisyon, maaaring tahimik kang nakaupo, walang anumang sinasabi o ginagawa, pero iiral pa rin ang disposisyon sa loob ng puso mo, at maaari pa nga itong mabunyag sa mga iniisip at ekspresyon ng mukha mo. Kahit pa subukan ng mga tao na makaisip ng mga paraan para pigilin ito, o kontrolin ito, at maging napakaingat nila para mapigilan itong mabunyag, may silbi ba ito? (Wala.) Agad na napagtatanto ng ilang tao kapag may nasabi silang mapagmataas: “Nabunyag ko na naman ang mapagmataas kong disposisyon—nakakahiya! Kailangang hindi na ako magsabi ng anumang mapagmataas na bagay kailanman.” Pero walang silbi ang manumpang ititikom mo na ang bibig mo, hindi ito nasa iyong kontrol, nakabatay ito sa iyong disposisyon. Kaya, kung ayaw mong ibunyag ng iyong mapagmataas na disposisyon ang sarili nito, kailangan mo itong ayusin. Hindi ito pagwawasto ng ilang salita, o pagsasatama ng isa sa mga paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, at lalo nang hindi ito pagsunod sa kung anong regulasyon. Paglutas ito ng problema ng iyong disposisyon. Ngayong nakapagsalita na Ako tungkol sa paksang ito na kung ano ba mismo ang disposisyon, hindi ba’t mayroon na kayong mas malalim at mas tumatagos na pagkaunawa sa inyong sarili? (Mayroon na.) Ang pagkakilala sa sarili ay hindi isang usapin ng pagkakilala sa panlabas na personalidad, pag-uugali, mga maling kinagawian, mga kamangmangan at kahangalan na bagay na ginawa noon ng isang tao—hindi ito alinman sa mga ito. Sa halip, ito ay pagkakilala sa sariling tiwaling disposisyon ng isang tao at ang mga kasamaang kaya niyang gawin bilang paglaban sa Diyos. Ito ang susi. Sinasabi ng ilang tao, “Lubhang mainitin ang ulo ko, at wala akong magagawa para baguhin ito. Kailan ko mababago ang disposisyong ito?” May ibang nagsasabi, “Hindi ako magaling sa pagpapahayag ng sarili ko, hindi ako mahusay magsalita. Ang lahat ng sinasabi ko ay nagpapasama lang ng loob ng mga tao o nakasasakit sa damdamin nila. Kailan ito magbabago?” Tama ba sila sa pagsasabi nito? (Hindi.) Nasaan ang pagkakamali nila? (Ito ay ang hindi pagkilala sa mga bagay na nasa kalikasan ng isang tao.) Tama iyan. Hindi personalidad ang tumutukoy sa kalikasan. Gaano man kabuti ang personalidad ng isang tao, maaari pa rin siyang magkaroon ng tiwaling disposisyon.
Katatapos Ko lang talakayin ang dalawang aspekto ng disposisyon. Ang una ay ang katigasan ng kalooban, ang ikalawa ay ang pagiging mapagmataas. Wala na tayong kailangang masyadong sabihin pa tungkol sa pagiging mapagmataas. Nagbubunyag ang bawat tao ng maraming mapagmataas na pag-uugali, at kailangan lang ninyong malaman na ang pagiging mapagmataas ay isang aspekto ng disposisyon. May isa pang uri ng disposisyon. Hindi kailanman sinasabi ng ilang tao ang katotohanan kaninuman. Pinag-iisipan at pinipino nila sa kanilang isipan ang lahat ng bagay bago sila magsalita sa mga tao. Hindi mo masasabi kung alin sa mga bagay na sinasabi nila ang totoo, at kung alin ang hindi totoo. Nagsasabi sila ng isang bagay ngayon at iba naman bukas, nagsasabi sila ng isang bagay sa isang tao, at ng iba namang bagay sa isa pa. Ang lahat ng sinasabi nila ay magkakasalungat. Paano mapapaniwalaan ang gayong mga tao? Napakahirap maarok nang tumpak ang mga katunayan, at wala kang makuhang direktang salita sa kanila. Anong disposisyon ito? Ito ay pagiging mapanlinlang. Madali bang baguhin ang isang mapanlinlang na disposisyon? Ito ang pinakamahirap baguhin. Ang anumang may kinalaman sa mga disposisyon ay may kaugnayan sa kalikasan ng isang tao, at wala nang mas mahirap pang baguhin kaysa sa mga bagay na may kinalaman sa kalikasan ng isang tao. Ang kasabihang, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito,” ay ganap na totoo! Anuman ang kanilang sinasabi o ginagawa, palaging nagkikimkim ng sarili nilang mga pakay at intensyon ang mga mapanlinlang na tao. Kung wala sila ng mga ito, hindi sila magsasalita. Kung susubukan mong unawain kung ano ang kanilang mga pakay at intensyon, tatahimik sila. Kung hindi sinasadya ay may masabi man silang totoo, gagawin nila ang lahat para makaisip ng paraan para baluktutin iyon, para lituhin ka at pigilan kang malaman ang katotohanan. Anuman ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao, hindi nila hahayaan na malaman ninuman ang buong katotohanan tungkol dito. Gaano katagal man ang gugulin ng mga tao kasama sila, walang nakaaalam kung ano ba talaga ang nasa kanilang mga isipan. Ganito ang kalikasan ng mga mapanlinlang na tao. Gaano man karami ang sabihin ng isang mapanlinlang na tao, hinding-hindi malalaman ng iba kung ano ang kanilang mga intensyon, kung ano talaga ang iniisip nila, o kung ano mismo ang sinisikap nilang makamit. Maging ang mga magulang nila ay nahihirapang malaman ito. Napakahirap na subukang maunawaan ang mga mapanlinlang na tao, walang sinuman ang talagang nakaiintindi sa kung ano ang nasa isip nila. Ganito magsalita at kumilos ang mga mapanlinlang na tao: Hindi nila kailanman sinasabi ang nasa kanilang isipan o ipinahahayag kung ano ba talaga ang nangyayari. Isang uri ito ng disposisyon, hindi ba? Kapag mayroon kang mapanlinlang na disposisyon, hindi mahalaga kung ano ang sinasabi o ginagawa mo—ang disposisyong ito ay palaging nasa iyong kalooban, kinokontrol ka, inuudyukan kang manlansi at manlinlang, paglaruan ang mga tao, pagtakpan ang katotohanan, at magpanggap. Ito ay pagiging mapanlinlang. Ano pang ibang partikular na mga pag-uugali ang ginagawa ng mga mapanlinlang na tao? Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Nag-uusap ang dalawang tao, at ang isa sa kanila ay nagsasalita tungkol sa kanyang pagkakilala sa sarili; patuloy na nagsasalita ang taong ito tungkol sa kung paano siya bumuti, at sinusubukan niyang papaniwalain ang kausap niya, pero hindi niya sinasabi rito ang mga totoong katunayan tungkol sa usapin. Dito, mayroong itinatago, at ipinahihiwatig nito ang isang partikular na disposisyon—ang pagiging mapanlinlang. Tingnan natin kung makikilatis ninyo ito. Sabi ng taong ito, “Nakaranas ako ng ilang bagay kamakailan, at pakiramdam ko ay walang naging kabuluhan ang pananampalataya ko sa Diyos sa mga nagdaang taong ito. Wala akong anumang natamo. Napakahirap ko at kaawa-awa! Hindi gaanong mabuti ang pag-uugali ko kamakailan, pero handa na akong magsisi.” Pero makalipas ang ilang panahon matapos niya itong sabihin, hindi siya makikitaan ng anumang pagsisisi. Ano ang problema rito? Ito ay na nagsisinungaling siya at nililinlang niya ang iba. Kapag narinig ng ibang tao na sabihin niya ang mga bagay na iyon, iisipin ng mga ito, “Hindi hinangad noon ng taong ito ang katotohanan, pero ang katunayang nasasabi na niya ngayon ang ganitong mga bagay ay nagpapakita na tunay na siyang nagsisi. Walang duda rito. Hindi natin siya dapat tingnan nang gaya ng dati, bagkus ay nang may bago at mas mabuting pagtingin.” Ganoon magbulay-bulay at mag-isip ang mga tao matapos marinig ang mga salitang iyon. Pero ang kasalukuyan bang kalagayan ng taong iyon ay kagaya ng sinasabi niya? Ang realidad ay hindi. Hindi pa siya tunay na nagsisi, pero nagbibigay ang kanyang mga salita ng ilusyon na nakapagsisi na siya, at na nagbago na siya at iba na siya kaysa dati. Ito ang nais niyang makamit sa kanyang mga salita. Sa pagsasalita nang ganito upang linlangin ang mga tao, anong disposisyon ang ibinubunyag niya? Ito ay ang pagiging mapanlinlang—at ito ay napakalihim na mapanira! Ang katunayan ay wala siyang anumang kamalayan na nabigo siya sa pananampalataya niya sa Diyos, na siya ay kulang sa pagka-espirituwal at kaawa-awa. Humihiram siya ng espirituwal na mga salita at wika upang linlangin ang mga tao at makamit ang pakay na mapaisip sa iba na sila ay mabuti at magkaroon ang mga ito ng magandang pagtingin sa kanya. Hindi ba’t pagiging mapanlinlang ito? Oo, at kapag masyadong mapanlinlang ang isang tao, hindi madali para sa kanya na magbago.
May isa pang uri ng tao na hindi kailanman simple o bukas sa kanyang pananalita. Palagi siyang nagtatago at nagkukubli ng mga bagay-bagay, kumukuha ng impormasyon mula sa mga tao sa bawat sandali at sinusubukang malaman ang iniisip nila. Palagi niyang ninanais na malaman ang buong katotohanan tungkol sa ibang tao, pero hindi niya sinasabi kung ano ang nasa kanyang sariling puso. Walang sinumang nakikisalamuha sa kanya ang makaaasam na malaman ang buong katotohanan tungkol sa kanya. Ayaw ng gayong mga tao na malaman ng iba ang kanilang mga plano, at hindi nila ibinabahagi ang mga ito kaninuman. Anong disposisyon ito? Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon. Ang gayong mga tao ay labis na tuso, hindi sila maarok ng mga tao. Kung may mapanlinlang na disposisyon ang isang tao, walang dudang isa siyang mapanlinlang na tao, at mapanlinlang ang kanyang kalikasang diwa. Hinahangad ba ng ganitong uri ng tao ang katotohanan sa kanyang pananampalataya sa Diyos? Kung hindi niya sinasabi ang katotohanan sa harap ng ibang tao, magagawa ba niyang sabihin ang katotohanan sa harap ng Diyos? Tiyak na hindi. Hindi kailanman sinasabi ng isang mapanlinlang na tao ang katotohanan. Maaaring nananampalataya siya sa Diyos, pero tunay bang panananampalataya ang mayroon siya? Anong uri ng saloobin ang mayroon siya para sa Diyos? Tiyak na marami siyang pag-aalinlangan sa kanyang puso: “Nasaan ang Diyos? Hindi ko Siya nakikita. Ano ang katunayan na totoo nga Siya?” “May kataas-kataasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay? Talaga? Galit na sinusupil at inaaresto ng rehimen ni Satanas ang mga nananampalataya sa Diyos. Bakit hindi ito winawasak ng Diyos?” “Paano ba mismo inililigtas ng Diyos ang mga tao? Totoo ba ang Kanyang pagliligtas? Hindi ito gaanong malinaw.” “Makakapasok ba sa kaharian ng langit ang isang mananampalataya sa Diyos o hindi? Kung walang anumang kumpirmasyon, mahirap sabihin.” Kung may napakaraming pag-aalinlangan sa Diyos sa kanyang puso, taos-puso ba niyang maigugugol ang kanyang sarili para sa Diyos? Imposible ito. Nakikita niya ang lahat ng taong ito na tinalikdan ang lahat ng mayroon sila upang sumunod sa Diyos, na ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at iniisip niya, “Kailangan ay hindi ko ibigay ang lahat. Hindi ako puwedeng maging kasinghangal nila. Kung iaalay ko ang lahat sa Diyos, paano ako mamumuhay sa hinaharap? Sino ang mag-aalaga sa akin? Kailangan kong magkaroon ng reserbang plano.” Makikita mo kung gaano “katuso” ang mga mapanlinlang na tao, kung gaano nila pinag-iisipan ang malayong hinaharap. Mayroong ilan na, kapag nakikita nila ang ibang tao sa mga pagtitipon na nagtatapat tungkol sa kanilang pagkakilala sa kanilang katiwalian, na ipinagtatapat ang mga natatago sa kanilang puso kapag nakikipagbahaginan, at na matapat na nagsasabi kung ilang beses silang nakiapid, ay iniisip na, “Hangal kayo! Mga pribadong bagay ang mga iyan; bakit mo iyan sasabihin sa iba? Hindi mo ako mapaaamin sa mga bagay na iyan!” Ganito ang mga mapanlinlang na tao—mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa maging matapat, at hindi nila sinasabi kaninuman ang buong katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Sumalangsang ako at nakagawa ng ilang masamang bagay, at medyo nahihiya akong sabihin ang mga ito sa tao nang harapan. Pribadong bagay ang mga ito, kung tutuusin, at kahiya-hiya ang mga ito. Pero hindi ko maaaring itago o ikubli ang mga ito sa Diyos. Dapat kong sabihin ang mga ito sa Diyos, nang walang pagtatago at hayagan. Hindi ako mangangahas na sabihin sa ibang tao ang aking mga iniisip o ang mga pribadong bagay, pero kailangan kong sabihin ang mga ito sa Diyos. Kahit sino pa ang paglihiman ko, hindi ako maaaring maglihim sa Diyos.” Ito ang saloobin sa Diyos ng isang matapat na tao. Subalit ang mga mapanlinlang na tao ay nag-iingat sa lahat ng tao, wala silang pinagkakatiwalaan, at hindi sila matapat na nakikipag-usap kaninuman. Wala silang pinagsasabihan ng buong katotohanan, at walang sinumang makaintindi sa kanila. Sila ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Ang lahat ng tao ay may mapanlinlang na disposisyon; nagkakaiba lang sa kung gaano ito katindi. Bagama’t maaaring nagbubukas at nakikipagbahaginan ka sa mga pagtitipon tungkol sa iyong mga problema, nangangahulugan ba iyon na wala kang mapanlinlang na disposisyon? Hindi, mayroon ka rin niyon. Bakit Ko ito nasasabi? Narito ang isang halimbawa: Maaaring kaya mong magbahagi nang hayagan tungkol sa mga bagay na walang kinalaman sa iyong pride o banidad, mga bagay na hindi nakahihiya, at mga bagay kung saan hindi ka mapupungusan—pero kung may nagawa kang bagay na lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo, bagay na kapopootan at kasusuklaman ng lahat, magagawa mo bang matapat na magbahagi tungkol dito sa mga pagtitipon? At kung may nagawa kang kasuklam-suklam, lalo nang magiging mas mahirap para sa iyo na magtapat at ibunyag ang katotohanan tungkol doon. Kung may magsisiyasat dito o magtatangkang alamin kung sino dapat ang sisihin para dito, gagawin mo ang lahat ng iyong makakaya para itago ito, at matatakot kang malantad ang usaping ito. Palagi mo iyong susubukang pagtakpan at lusutan. Hindi ba’t isa itong mapanlinlang na disposisyon? Maaaring naniniwala ka na kung hindi mo ito hayagang sasabihin ay walang makaaalam nito, at na maging ang Diyos ay walang paraan para malaman ito. Mali iyan! Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Kung hindi mo ito maunawaan, hindi mo talaga kilala ang Diyos. Hindi lamang nililinlang ng mga mapanlinlang na tao ang iba—nangangahas pa silang subukang dayain ang Diyos at gumamit ng mga mapanlinlang na pamamaraan para labanan Siya. Matatamo ba ng gayong mga tao ang pagliligtas ng Diyos? Matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at ang mga mapanlinlang na tao ang pinakakinamumuhian Niya. Kaya, pinakamahirap para sa mga mapanlinlang na tao na matamo ang kaligtasan. Ang mga taong may mapanlinlang na kalikasan ang pinakamadalas magsinungaling. Magsisinungaling sila maging sa Diyos at susubukan nilang lansihin Siya, at nagmamatigas sila sa hindi pagsisisi. Nangangahulugan ito na hindi nila matatamo ang pagliligtas ng Diyos. Kung paminsan-minsan lang nagbubunyag ng tiwaling disposisyon ang isang tao, kung nagsisinungaling at nanlalansi siya ng mga tao pero simple at tapat siya sa Diyos at nagsisisi siya sa Diyos, ang ganitong uri ng tao ay mayroon pa ring pag-asang matamo ang kaligtasan. Kung isa ka talagang taong may katwiran, dapat mong buksan ang iyong sarili sa Diyos, kausapin Siya nang mula sa puso, at pagnilayan at kilalanin ang iyong sarili. Dapat ay hindi ka na magsinungaling sa Diyos, dapat ay hindi mo Siya subukang lansihin kailanman, at lalo nang dapat na huwag kang magtago ng anuman sa Kanya. Ang katunayan ay may ilang bagay na hindi kailangang malaman ng mga tao. Hangga’t tapat ka sa Diyos tungkol sa mga ito, ayos lang iyon. Kapag may ginagawa ka, tiyakin mong hindi ka naglilihim sa Diyos. Maaari mong sabihin sa Diyos ang lahat ng bagay na hindi angkop sabihin sa ibang tao. Ang taong gumagawa nito ay matalino. Bagama’t maaaring may ilang bagay na sa tingin nila ay hindi na kailangang ipagtapat sa iba, hindi ito dapat tawagin na pagiging mapanlinlang. Iba ang mga mapanlinlang na tao: Naniniwala sila na dapat nilang itago ang lahat, na hindi nila maaaring sabihin ang anuman sa ibang tao, lalo na pagdating sa mga pribadong bagay. Kung hindi magiging kapaki-pakinabang sa kanila na sabihin ang isang bagay, hindi nila ito sasabihin, maging sa Diyos. Hindi ba’t isa itong mapanlinlang na disposisyon? Mapanlinlang nga ang gayong tao! Kung masyadong mapanlinlang ang isang tao na hindi niya sinasabi sa Diyos ang katotohanan, at patuloy niyang inililihim sa Diyos ang lahat, isa pa ba siyang taong nananampalataya sa Diyos? Mayroon ba siyang tunay na pananalig sa Diyos? Isa siyang tao na nagdududa sa Diyos, at sa kanyang puso, hindi siya nananampalataya sa Diyos. Kaya, hindi ba’t huwad ang kanyang pananalig? Isa siyang hindi mananampalataya, isang huwad na mananampalataya. May mga panahon ba na nagdududa kayo sa Diyos at nagiging mapagbantay laban sa Kanya? (Mayroon.) Ang magduda sa Diyos at maging mapagbantay laban sa Kanya, anong uri ng disposisyon ito? Isa itong mapanlinlang na disposisyon. Lahat ng tao ay may mapanlinlang na disposisyon, nagkakaiba-iba lang sa kung gaano ito katindi. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, magagawa mong makamit ang pagsisisi at pagbabago.
Para sa ilang tao, kapag may nangyayari sa kanila, nagbubunyag sila ng isang tiwaling disposisyon, mayroon silang mga kuru-kuro at ideya, mayroon silang mga pagkiling laban sa ibang tao, at hinuhusgahan at sinasabotahe nila ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito. Kaya nilang pagnilayan ang kanilang sarili at maging ganap na bukas tungkol sa mga bagay na ito, pero kapag gumagawa sila ng ilang kahiya-hiyang bagay, nais nila itong sarilinin, at itago sa puso nila magpakailanman. Bukod sa hindi nila sinasabi ang mga bagay na ito sa ibang tao, hindi rin nila sinasabi ang mga ito sa Diyos kapag nananalangin sila. Sinusubukan pa nga nila ang lahat ng makakaya nila para gumawa ng mga kasinungalingan para mapagtakpan ang mga ito o maikubli ang mga ito. Isa itong mapanlinlang na disposisyon. Kapag mayroon kang gayong mga kaisipan, kapag namumuhay ka sa ganitong uri ng kalagayan, dapat mong pagnilayan ang sarili mo, at malinaw na makita na hindi ka isang taong matapat, na wala sa mga inilalarawan ng Diyos na isang matapat na tao ang naipapahayag sa iyo, na isa ka talagang taong mapanlinlang, at na bagama’t ikaw ay hangal, mahina ang kakayahan, at mapurol ang utak, isa ka pa ring taong mapanlinlang. Ito ang ibig sabihin ng makilala ang iyong sarili. Ang dapat man lang na makamit mo sa pagkakilala sa iyong sarili ay na malinaw mong makita at makilatis ang hayagang katiwalian na ibinubunyag mo, at magawang maghanap ng katotohanan upang matugunan ito. Kung alam mo talaga ang sarili mong mapanlinlang na disposisyon, dapat kang madalas na manalangin sa Diyos, magnilay sa iyong sarili, kilatisin at himayin ang iyong mapanlinlang na disposisyon nang ayon sa salita ng Diyos, at unawain ang diwa nito; pagkatapos niyon ay magkakaroon ka ng pag-asang maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon ng pagiging mapanlinlang. Hindi malinaw na makita ng ilang tao ang pagkakaiba ng mga taong mapanlinlang at ng mga taong matapat—na nangangahulugang masyadong mahina ang kanilang kakayahan. Madalas gamitin ng ilang tao ang kanilang mahinang kakayahan, ang kanilang kahangalan, kamangmangan, kawalan ng kabatiran, pagiging hirap na magsalita, kawalan ng kasanayan sa pakikisalamuha sa ibang tao, at ang pagiging madali nilang madaya bilang patunay ng pagkamatapat. Palagi nilang sinasabi sa iba, “Masyado akong tapat, madalas akong nasasamantala dahil doon, hindi ko alam kung paano manlamang sa iba—pero gusto ako ng Diyos dahil matapat akong tao.” Tama ba ang mga salitang ito? Katawa-tawa ang ganitong mga salita, dinisenyo ang mga ito para manlihis ng mga tao, makapal ang mukha at walang kahihiyan ang mga ito. Paano magiging matapat ang mga taong hangal at mangmang? Magkaiba ang dalawang bagay na ito. Malaking pagkakamali na ituring bilang pagkamatapat ang mga kahangalang nagawa mo. Nakikita ng lahat na maging ang mga hangal ay may tendensiyang maging mapagmataas at palalo, na magkaroon ng labis na pagtingin sa sarili. Gaano man kamangmang at kakulang sa kakayahan ang mga tao, kaya pa rin nilang magsinungaling sa iba at linlangin ang iba. Hindi ba’t totoo ang lahat ng ito? Talaga bang hindi kailanman gumagawa ng anumang masama ang mga hangal at ang mga taong may mahinang kakayahan? Talaga bang wala silang mga tiwaling disposisyon? Tiyak na mayroon sila. Sinasabi rin ng ilang tao na matapat sila at ipinagtatapat nila sa iba ang kanilang mga kasinungalingan, pero hindi sila nangangahas na ipagtapat ang mga kahiya-hiyang ginagawa nila. Kapag hinaharap ng iglesia ang kanilang mga problema, hindi nila ito matanggap at hinding-hindi sila nagpapasakop, mas gusto nilang lihim na mag-imbestiga at unti-unting alamin ang katotohanan. Ang ganitong uri ng mapanlinlang na tao ay hinding-hindi tinatanggap ang katotohanan, at hindi talaga siya nagpapasakop, pero iniisip pa rin niya na matapat siya. Hindi ba’t ganap siyang walang kahihiyan? Lubos itong kahangalan! Ang ganitong uri ng tao ay ganap na hindi matapat, hindi rin siya taong totoo. Ang mga mangmang na tao ay mga mangmang na tao; ang mga hangal ay mga hangal. Ang mga taong totoo lamang na hindi mapanlinlang ang matatapat.
Paano makikilatis ang mga mapanlinlang na tao? Ano-ano ang mga pag-uugali ng mga taong mapanlinlang? Kaninuman sila makisalamuha o makipag-ugnayan, hindi nila kailanman hinahayaan ang sinuman na usisain kung ano ang tunay na kalagayan nila; palagi silang nag-iingat sa iba, palagi silang gumagawa ng mga bagay-bagay kapag nakatalikod ang mga tao, at hindi nila kailanman sinasabi kung ano ba talaga ang nasa isip nila. Maaaring minsan ay bahagya silang magsalita tungkol sa pagkakilala nila sa sarili nila, pero hindi nila binabanggit ang mahahalagang punto o mahahalagang salita, at takot sila na madulas ang kanilang dila. Labis silang sensitibo sa mga bagay na ito, dahil sa takot na baka makita ng iba ang kanilang mga kahinaan. Isa itong uri ng mapanlinlang na disposisyon. Bukod pa rito, sinasadya ng ilang tao na magpanggap para isipin ng iba na totoo sila, na kaya nilang magtiis ng pagdurusa at hindi magreklamo, o na espirituwal sila at na minamahal at hinahangad nila ang katotohanan. Malinaw na hindi sila ganitong uri ng tao, pero ipinipilit nilang magpanggap nang ganito para sa iba. Isa rin itong mapanlinlang na disposisyon. Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng mga mapanlinlang na tao ay may intensyon sa likod nito. Kung wala silang anumang intensyon, hindi sila magsasalita o kikilos. Mayroong disposisyon sa loob nila na nagkokontrol sa kanila na gawin ito, at iyon ang disposisyon ng pagiging mapanlinlang. Kapag may mapanlinlang na disposisyon ang mga tao, madali ba itong baguhin? Gaano kalaki na ang inyong ipinagbago? Nakapasok na ba kayo sa landas ng paghahangad ng pagkamatapat? (Oo, ito ang direksyong pinagsisikapan namin.) Nakailang hakbang na kayo? O napako ba kayo sa yugto ng pagnanais na gawin ito? (Isa pa lang din itong bagay na gusto naming gawin. Kung minsan, pagkatapos naming magawa ang isang bagay ay saka lang namin napagtatanto na mayroong panlilinlang dito, na sinusubukan naming magbigay ng huwad na impresyon sa mga tao; saka lang namin napagtatanto na naging mapanlinlang kami.) Napagtatanto ninyong ito ay pagiging mapanlinlang—pero nagawa ba ninyong mapagtanto na isa itong uri ng tiwaling disposisyon? At saan nga ba nagmumula ang mga mapanlinlang na bagay na ito? (Mula sa aming kalikasan.) Tama iyan, mula sa inyong kalikasan. At nakagugulo ba sa inyo ang mga tiwaling bagay na ito? Mahirap layuan ang mga ito, mahirap harapin, mahirap takasan—at labis na mapanggulo rin. Bakit mapanggulo ang mga ito? Ano sa mga ito ang nagpapasakit sa iyo? (Gusto naming magbago, pero labis kaming nasasaktan kapag hindi namin ito nagagawa.) Isang aspekto iyan, pero hindi iyan maituturing na mapanggulo. Kapag kinokontrol ng mapanlinlang na disposisyon ang isang tao, kaya niyang magsinungaling at mandaya sa iba kahit anong oras o lugar, at anuman ang mangyari sa kanya, iisipin niya kung paano magsinungaling para makapandaya at manlihis ng mga tao. Kahit pa gusto niyang kontrolin ang kanyang sarili, hindi niya magawa, hindi ito kusa. Narito ang problema. Isa itong problema ng disposisyon. Sa ilang paraan maibubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon ang sarili nito? Sa pagsubok, panlilinlang, pag-iingat, pati na sa paghihinala, pagkukunwari at pagpapaimbabaw. Ang disposisyong inilalantad at ipinamamalas ng ganitong mga pag-uugali ay ang pagiging mapanlinlang. Matapos pagbahaginan ang mga paksang ito, mayroon na ba kayong mas malinaw na pagkakilala sa mapanlinlang na disposisyon? Mayroon pa rin ba sa inyo na nagsasabi, “Wala akong mapanlinlang na disposisyon, hindi ako mapanlinlang na tao, malapit na akong maging matapat na tao”? (Wala.) Maraming tao ang hindi gaanong nauunawaan kung ano ba mismo ang isang matapat na tao. Sinasabi ng ilan na ang matatapat na tao ay ang mga taong totoo at prangka, ang mga inaapi at ibinubukod saanman sila magpunta, o ang mababagal at palaging medyo nahuhuling magsalita at kumilos kaysa sa ibang mga tao. Ang ilang hangal at mangmang na tao, na gumagawa ng matinding kahangalan kung kaya’t hinahamak sila ng iba, ay inilalarawan din ang kanilang sarili bilang matapat na tao. At lahat ng walang pinag-aralang tao mula sa mabababang antas ng lipunan, na nakararamdam na mas mababa sila, ay sinasabi rin na sila ay matapat na tao. Saan sila nagkakamali? Hindi nila alam kung ano ba ang isang matapat na tao. Ano ang pinagmumulan ng kanilang maling paniniwala? Ang pangunahing dahilan ay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Naniniwala sila na ang “matatapat na taong” sinasabi ng Diyos ay mga hangal at mga tunggak, na walang pinag-aralan ang mga ito, mabagal magsasalita, inaapi at sinusupil, at madaling nadadaya at naloloko. Ang implikasyon ay ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos ay ang mga walang utak na mga taong nasa ibaba ng lipunan na madalas alipustahin ng iba. Sino ba ang ililigtas ng Diyos kundi ang mga hamak at mahihirap na taong ito? Hindi ba’t ito ang kanilang pinaniniwalaan? Ang mga iyon ba talaga ang mga taong inililigtas ng Diyos? Isa itong maling interpretasyon sa mga layunin ng Diyos. Ang mga taong inililigtas ng Diyos ay ang mga taong nagmamahal sa katotohanan, ang mga may kakayahan at abilidad na makaarok, silang lahat ay mga taong may konsensiya at katwiran, na kayang tuparin ang mga atas ng Diyos at gawin nang maayos ang kanilang tungkulin. Sila ay mga taong kayang tanggapin ang katotohanan at iwaksi ang mga tiwali nilang disposisyon, at sila ay mga taong tunay na nagmamahal sa Diyos, nagpapasakop sa Diyos, at sumasamba sa Diyos. Bagama’t ang karamihan sa mga taong ito ay mula sa ibaba ng lipunan, mula sa mga pamilya ng mga manggagawa at magsasaka, tiyak na hindi sila mga taong magulo ang isip, hangal, o walang silbi. Sa kabaligtaran, matatalino silang tao na kayang tanggapin, isagawa ang katotohanan at magpasakop dito. Lahat sila ay mga taong makatarungan, na tatalikdan ang makamundong karangalan at mga kayamanan para sumunod sa Diyos at matamo ang katotohanan at ang buhay—sila ang pinakamatatalinong tao sa lahat. Lahat sila ay matapat na taong tunay na nananampalataya sa Diyos at tunay na iginugugol ang kanilang sarili para sa Kanya. Matatamo nila ang pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos, at magagawa silang perpekto upang maging Kanyang mga tao at mga haligi ng Kanyang templo. Sila ay mga taong gawa sa ginto, pilak, at mamahaling hiyas. Ang mga taong magulo ang isip, hangal, katawa-tawa, at walang silbi ang mga ititiwalag. Ano ang tingin ng mga hindi mananampalataya at ng mga katawa-tawang tao sa gawain at plano ng pamamahala ng Diyos? Tapunan ng basura ang tingin nila rito, hindi ba? Hindi lamang mahina ang kakayahan ng mga taong ito, katawa-tawa rin sila. Gaano man karaming salita ng Diyos ang mabasa nila, hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan, at gaano karaming sermon man ang marinig nila, hindi nila kayang makapasok sa realidad—kung ganito sila kahangal, maliligtas pa ba sila? Gugustuhin ba ng Diyos ang ganitong uri ng tao? Gaano man katagal na silang nananampalataya, hindi pa rin nila nauunawaan ang anumang katotohanan, walang katuturan pa rin ang kanilang sinasabi, pero itinuturing pa rin nila ang kanilang sarili na matapat—wala ba silang kahihiyan? Hindi nauunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan. Palaging mali ang interpretasyon nila sa mga layunin ng Diyos, pero saanman sila pumunta, ipinangangalandakan nila ang kanilang mga maling interpretasyon, ipinangangaral ang mga ito bilang katotohanan, sinasabi sa mga tao, “Mabuti nang bahagyang maapi, dapat mawalan nang kaunti ang mga tao, dapat medyo maging hangal sila—ang mga ito ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos at sila ang mga taong ililigtas ng Diyos.” Kasuklam-suklam ang mga taong nagsasabi ng mga gayong bagay; nagdadala ito ng malaking kasiraan sa puri ng Diyos! Napakakasuklam-suklam nito! Ang mga haligi ng kaharian ng Diyos at ang mga mananagumpay na inililigtas ng Diyos ay pawang mga taong nauunawaan ang katotohanan, at matatalino. Sila ang mga taong magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Ang lahat ng hangal at mangmang, walang kahihiyan at walang katinuan, na wala ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan, na mga walang utak at hangal—hindi ba’t lahat sila ay walang silbi? Paano magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng langit ang gayong mga tao? Ang matatapat na taong tinutukoy ng Diyos ay ang mga taong kayang isagawa ang katotohanan sa sandaling maunawaan nila ito, ang marurunong at matatalino, na simpleng nagtatapat sa Diyos, at na kumikilos ayon sa prinsipyo at ganap na nagpapasakop sa Diyos. Ang lahat ng taong ito ay may-takot-sa-Diyos na puso, nakatuon sila sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at lahat sila ay naghahangad na ganap na magpasakop sa Diyos at umiibig sila sa Diyos sa kanilang mga puso. Sila lamang ang tunay na matatapat na tao. Kung ni hindi alam ng isang tao kung ano ang ibig sabihin ng maging tapat, kung hindi niya makita na ang diwa ng matatapat na tao ay ang ganap na pagpapasakop sa Diyos, ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, o na ang matatapat na tao ay matapat dahil minamahal nila ang katotohanan, dahil minamahal nila ang Diyos, at dahil isinasagawa nila ang katotohanan—kung gayon, ang ganoong uri ng tao ay napakahangal, at tunay na walang pagkakilatis. Ang matatapat na tao ay ganap na hindi ang mga taong totoo, magulo ang isip, mangmang, at hangal na indibidwal na inaakala ng mga tao; sila ay mga taong may normal na pagkatao, na may konsensiya at katwiran. Ang katalinuhan ng matatapat na tao ay na kaya nilang makinig sa mga salita ng Diyos at maging matapat, at ito ang dahilan kung kaya’t pinagpapala sila ng Diyos.
Wala nang mas makabuluhan pa kaysa sa kahilingan ng Diyos na maging matapat ang mga tao—hinihiling Niya na mamuhay sa harapan Niya ang mga tao, na tanggapin nila ang Kanyang pagsisiyasat, at na mamuhay sila sa liwanag. Ang matatapat na tao lamang ang mga tunay na miyembro ng sangkatauhan. Ang mga taong hindi matapat ay mga hayop, sila ay mga hayop na naglalakad nang nakasuot ng damit ng tao, hindi sila mga tao. Para hangarin ang maging isang matapat na tao, kailangan mong umasal nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos; kailangan mong sumailalim sa paghatol, pagkastigo, at pagpupungos. Kapag nalinis na ang iyong tiwaling disposisyon at nagagawa mong isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, saka ka lamang magiging isang matapat na tao. Ang mga taong mangmang, hangal, at totoo ay ganap na hindi matatapat na tao. Sa paghingi na maging matapat ang mga tao, hinihiling sa kanila ng Diyos na magkaroon sila ng normal na pagkatao, na iwaksi nila ang kanilang pagiging mapanlinlang at ang kanilang mga pagbabalatkayo, na hindi magsinungaling at manlansi sa iba, na gampanan nang may debosyon ang kanilang tungkulin, at magawang mahalin Siya at magpasakop sa Kanya nang tunay. Ang mga indibidwal na ito lamang ang mga tao ng kaharian ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging mabubuting sundalo ni Cristo ang mga tao. Ano ang mabubuting sundalo ni Cristo? Kailangan ay taglay nila ang katotohanang realidad at kaisa sila ni Cristo sa puso at isip. Sa anumang oras at lugar, kailangan ay kaya nilang dakilain at patotohanan ang Diyos, at kaya nilang gamitin ang katotohanan upang makipagdigma laban kay Satanas. Sa lahat ng bagay, kailangan na sila ay nasa panig ng Diyos, nagpapatotoo, at ipinamumuhay ang katotohanang realidad. Kailangan ay kaya nilang ipahiya si Satanas at magwagi ng mga kahanga-hangang tagumpay para sa Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng maging mabuting sundalo ni Cristo. Ang mabubuting sundalo ni Cristo ay mga mananagumpay, sila ang mga nagtatagumpay laban kay Satanas. Sa paghingi na maging matapat at hindi maging mapanlinlang ang mga tao, hindi hinihingi sa kanila ng Diyos na maging hangal sila, bagkus ay magwaksi ng kanilang mapanlinlang na mga disposisyon, magtamo ng pagpapasakop sa Kanya at magdala sila ng kaluwalhatian sa Kanya. Ito ang makakamit sa pagsasagawa sa katotohanan. Hindi ito pagbabago sa pag-uugali ng isang tao, hindi ito usapin ng pagsasalita nang mas madalas o mas madalang, hindi rin ito tungkol sa kung paano kumilos ang isang tao. Sa halip, tungkol ito sa intensyong nasa likod ng pananalita at mga kilos ng isang tao, ng mga kaisipan at ideya ng isang tao, ng mga ambisyon at pagnanais ng isang tao. Ang lahat ng nabibilang sa mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon at sa kamalian ay kailangang mabago sa pinakaugat nito, upang umayon ito sa katotohanan. Para magtamo ang isang tao ng pagbabago sa disposisyon, kailangan ay makilatis niya ang diwa ng disposisyon ni Satanas. Kung kaya mong makilatis ang diwa ng isang mapanlinlang na disposisyon, na ito ay disposisyon ni Satanas at ang mukha ng mga diyablo, kung kaya mong kamuhian si Satanas at talikdan ang mga diyablo, magiging madali para sa iyo na iwaksi ang tiwali mong disposisyon. Kung hindi mo alam na may mapanlinlang na kalagayan sa kalooban mo, kung hindi mo nakikilala ang mga pagbubunyag ng isang mapanlinlang na disposisyon, hindi mo malalaman kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, at magiging mahirap para sa iyo na baguhin ang iyong mapanlinlang na disposisyon. Kailangan mo munang makilala kung ano ang mga bagay na nabubunyag sa iyo, at kung anong aspekto ng isang tiwaling disposisyon ang mga ito. Kung ang mga ibinubunyag mo ay mula sa isang mapanlinlang na disposisyon, kamumuhian mo ba ito sa iyong puso? At kung oo, paano ka dapat magbago? Kailangan mong pungusan ang iyong mga intensyon at itama ang iyong mga pananaw. Kailangan mo munang hanapin ang katotohanan tungkol sa usaping ito para malutas ang iyong mga problema, sikaping matamo ang hinihingi ng Diyos at mapalugod Siya, at maging isang taong hindi sinusubukang lansihin ang Diyos o ang ibang tao, maging iyong mga medyo hangal o mangmang. Ang tangkaing lansihin ang isang taong hangal o mangmang ay napakaimoral—ginagawa ka nitong isang diyablo. Para maging isang matapat na tao, hindi ka dapat manlansi ng sinuman o magsinungaling sa sinuman. Subalit, para sa mga diyablo at mga Satanas, kailangan mong maging matalino sa pagpili ng iyong mga salita; kung hindi, malamang ay maloko ka ng mga ito at makapagbigay ka ng kahihiyan sa Diyos. Sa matalinong pagpili sa iyong mga salita at sa pagsasagawa ng katotohanan, saka mo lamang magagawang mapagtagumpayan at maipahiya si Satanas. Ang mga taong mangmang, hangal, at matigas ang ulo ay hindi kailanman magagawang maunawaan ang katotohanan; maaari lamang silang mailihis, mapaglaruan, at mayurakan ni Satanas, at sa huli, sila ay malalamon.
Sunod, pag-usapan natin ang ikaapat na uri ng disposisyon. Kapag nagtitipon, kaya ng ilang tao na makipagbahaginan nang kaunti tungkol sa sarili nilang mga kalagayan, pero pagdating sa diwa ng mga isyu, sa mga personal nilang motibo at ideya, nagiging palaiwas na sila. Kapag inilalantad sila ng mga tao bilang may mga motibo at pakay, tila tumatango sila at inaamin ito. Pero kapag sinubukan ng mga tao na ilantad o himayin pa nang mas malalim ang anumang bagay, hindi nila ito makayanan, tumatayo sila at umaalis. Bakit sila tumatakas sa napakahalagang sandali? (Hindi nila tinatanggap ang katotohanan at ayaw nilang harapin ang sarili nilang mga problema.) Isa itong problema ng disposisyon. Kapag ayaw nilang tanggapin ang katotohanan upang malutas ang mga problemang nasa loob nila, hindi ba’t nangangahulugan ito na tutol sila sa katotohanan? Ano-anong uri ng sermon ang pinakaayaw marinig ng ilang lider at manggagawa? (Ang mga sermon tungkol sa kung paano makilatis ang mga anticristo at huwad na lider.) Tama. Iniisip nila, “Ang lahat ng pag-uusap na ito tungkol sa pagtukoy sa mga anticristo at huwad na lider, at tungkol sa mga Pariseo—bakit ninyo ito tinatalakay masyado? Sumasakit ang ulo ko sa inyo.” Pagkatapos marinig na pag-uusapan ang pagtukoy sa mga huwad na lider at manggagawa, naghahanap sila ng anumang palusot para umalis. Ano ang ibig sabihin ng “umalis” dito? Tumutukoy ito sa pagtakas, sa pagtatago. Bakit nila sinusubukang magtago? Kapag nagsasabi ang ibang tao ng mga katunayan, dapat kang makinig: Nakabubuti sa iyo ang makinig. Itala mo ang mga bagay na masakit pakinggan o mahirap tanggapin para sa iyo; pagkatapos, dapat mong madalas na pag-isipan ang mga ito, dahan-dahang tanggapin ang mga ito, at dahan-dahan kang magbago. Kaya, bakit ka magtatago? Pakiramdam ng mga gayong tao ay masyadong malupit at hindi madaling pakinggan ang mga salitang ito ng paghatol, kaya umuusbong sa kalooban nila ang paglaban at pagkasuklam. Sinasabi nila sa sarili nila, “Hindi ako isang anticristo o huwad na lider—bakit patuloy nila akong pinag-uusapan? Bakit hindi nila pag-usapan ang ibang tao? Magsabi ng tungkol sa pagtukoy sa masasamang tao, huwag akong pag-usapan!” Nagiging palaiwas sila at palasalungat. Anong disposisyon ito? Kung ayaw nilang tanggapin ang katotohanan, at palagi silang nangangatwiran at nakikipagtalo upang depensahan ang kanilang sarili, hindi ba’t mayroong problema ng tiwaling disposisyon dito? Disposisyon ito ng pagiging tutol sa katotohanan. Mayroong ganitong kalagayan ang mga lider at manggagawa, kaya paano naman ang mga ordinaryong kapatid? (Mayroon din sila.) Kapag unang nagkakakilala ang lahat, lahat sila ay napakamapagmahal at masayang-masaya na ulitin ang mga salita at doktrina. Tila ba lahat sila ay nagmamahal sa katotohanan. Pero pagdating sa mga personal na problema at tunay na paghihirap, maraming tao ang hindi makaimik. Halimbawa, palaging nalilimitahan ang ilang tao ng kanilang buhay may-asawa. Umaayaw silang gawin ang isang tungkulin o hangarin ang katotohanan, at ang buhay may-asawa ang kanilang nagiging pinakamalaking hadlang at balakid. Sa mga pagtitipon, kapag nagbabahaginan ang lahat tungkol sa kalagayang ito, napagtatanto na lapat sa sarili nila ang mga pagbabahagi ng iba at pakiramdam nila ay sila ang tinutukoy ng mga ito. Sinasabi nila, “Wala akong problema sa pakikipagbahaginan ninyo sa katotohanan, pero bakit ninyo pa ako kailangang banggitin? Wala ba kayong anumang problema? Bakit ako lang ang binabanggit ninyo?” Anong disposisyon ito? Kapag nagtitipon kayo para pagbahaginan ang katotohanan, kailangan ninyong himayin ang mga totoong isyu at hayaan ang lahat na magsalita tungkol sa kanilang pagkaunawa sa mga problemang ito; saka lamang ninyo magagawang makilala ang inyong sarili at malutas ang inyong mga problema. Bakit ba hindi ito matanggap ng mga tao? Anong disposisyon iyon kapag hindi kayang tanggapin ng mga tao na mapungusan sila, at hindi nila matanggap ang katotohanan? Hindi ba’t dapat ninyo itong malinaw na makilatis? Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan—ito ang diwa ng problema. Kapag tutol ang mga tao sa katotohanan, napakahirap para sa kanila na tanggapin ang katotohanan—at kung hindi nila matanggap ang katotohanan, maaayos ba ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kaya ang isang taong ganito, isang taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan—kaya ba niyang matamo ang katotohanan? Maililigtas ba siya ng Diyos? Tiyak na hindi. Tapat bang nananampalataya sa Diyos ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan? Hinding-hindi. Ang pinakamahalagang aspekto ng mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay na kaya nilang tanggapin ang katotohanan. Ang mga taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan ay ganap na hindi tapat na nananampalataya sa Diyos. Kaya ba ng mga gayong tao na umupo nang tahimik sa isang sermon? Nagagawa ba nilang magkamit ng anuman? Hindi. Ito ay dahil inilalantad ng mga sermon ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng mga tao. Sa paghihimay sa mga salita ng Diyos, nagkakamit ng kaalaman ang mga tao, at pagkatapos, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga prinsipyo ng pagsasagawa, binibigyan sila ng isang landas para isagawa, at sa ganitong paraan ay natatamo ang isang epekto. Kapag naririnig ng gayong mga tao na ang kalagayang inilalantad ay nauugnay sa kanila—na nauugnay ito sa sarili nilang mga isyu—dahil sa kahihiyan nila ay bigla silang nagagalit, at maaari pa nga silang tumayo at umalis sa pagtitipon. Kahit pa hindi sila umalis, maaari silang magsimulang mairita at maagrabyado, kung magkaganito ay wala na ring saysay pa para dumalo sila sa pagtitipon o makinig sa sermon. Hindi ba’t ang layunin ng pakikinig sa mga sermon ay ang maunawaan ang katotohanan at malutas ang mga tunay na problema ng isang tao? Kung palagi kang natatakot na malantad ang sarili mong mga problema, kung palagi kang natatakot na mabanggit, bakit ka pa nananampalataya sa Diyos? Kung sa pananalig mo ay hindi mo kayang tanggapin ang katotohanan, tunay na hindi ka nananampalataya sa Diyos. Kung palagi kang natatakot na malantad, paano mo malulutas ang iyong problema ng katiwalian? Kung hindi mo malutas ang iyong problema ng katiwalian, ano pa ang saysay ng pananampalataya sa Diyos? Ang layon ng pananalig sa Diyos ay ang matanggap ang pagliligtas ng Diyos, maiwaksi ang iyong tiwaling disposisyon, at maipamuhay ang wangis ng isang tunay na tao, at ang lahat ng ito ay natatamo sa pamamagitan ng pagtanggap sa katotohanan. Kung hindi mo man lang matanggap ang katotohanan, o maging ang mapungusan o mailantad, wala kang anumang paraan para matamo ang pagliligtas ng Diyos. Kaya sabihin mo sa Akin: Sa bawat iglesia, ilan ang may kakayahang tumanggap sa katotohanan? Marami ba o kaunti ang mga hindi kayang tanggapin ang katotohanan? (Marami.) Isa ba itong sitwasyon na talagang umiiral sa gitna ng hinirang na mga tao ng Diyos sa mga iglesia, isa ba itong totoong problema? Ang lahat ng hindi kayang tanggapin ang katotohanan at hindi kayang tanggapin na mapungusan, ay tutol sa katotohanan. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay isang uri ng tiwaling disposisyon, at kung hindi mababago ang disposisyong ito, maililigtas ba sila? Tiyak na hindi. Sa kasalukuyan, maraming tao ang nahihirapan tanggapin ang katotohanan. Hindi naman talaga ito madali. Para malutas ito, kailangang maranasan ng isang tao ang ilang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at ang pagpipino ng Diyos. Kaya ano ang masasabi ninyo: Ano iyong disposisyon kapag hindi kaya ng mga taong tanggapin na mapungusan, kapag hindi nila inihahambing ang sarili nila sa salita ng Diyos o sa mga kalagayang inilalantad sa mga sermon? (Isang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan.) Ito ang ikaapat na tiwaling disposisyon: ang pagiging tutol sa katotohanan. Gaano sila katutol? (Ayaw nilang basahin ang mga salita ng Diyos, o pakinggan ang mga sermon, at ayaw nilang pagbahaginan ang katotohanan.) Ang mga ito ang pinakamalinaw na pagpapamalas. Halimbawa, kapag sinasabi ng isang tao, “Tunay na nananampalataya ka sa Diyos. Isinantabi mo ang iyong pamilya at propesyon para gumanap ng tungkulin, at nagdusa ka na nang husto at malaki na ang ibinayad mong halaga sa mga nakalipas na ilang taon. Pinagpapala ng Diyos ang mga gayong tao. Sinasabi ng salita ng Diyos na labis na pagpapalain ang mga tapat na gumugugol para sa Diyos,” sinasabi mong “amen” at tinatanggap mo ang gayong mga katotohanan. Subalit, kapag sinabi pa ng taong iyon na, “Pero kailangan mong patuloy na pagsikapan ang katotohanan! Kung palaging may mga motibo ang mga tao sa mga ginagawa nila, at palagi silang walang habas na kumikilos nang ayon sa sarili nilang mga intensyon, sa malao’t madali, sila ay sasalungat sa Diyos at kasusuklaman Niya,” kapag nagsasabi sila ng mga ganitong bagay, hindi mo ito matanggap. Kapag naririnig na pinagbabahaginan ang katotohanan, bukod sa hindi mo ito matanggap, nagagalit ka pa, at sa isip mo, sumasagot ka: “Buong araw ninyong pinagbabahaginan ang katotohanan, pero wala pa akong nakitang sinuman sa inyo na pumunta sa langit.” Anong disposisyon ito? (Ang pagiging tutol sa katotohanan.) Kapag naging pagsasagawa na ang pagsasalita, kapag naging seryoso sa iyo ang mga tao, nagpapakita ka ng sukdulang pagkasuklam, kawalan ng pasensya, at ng paglaban. Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. At paano pangunahing naipamamalas ang uri ng disposisyon na pagiging tutol sa katotohanan? Sa pagtangging tumanggap ng pagpupungos. Ang hindi pagtanggap na mapungusan ay isang uri ng kalagayang ipinamamalas ng ganitong uri ng disposisyon. Sa kanilang puso, matindi ang paglaban ng mga taong ito kapag pinupungusan sila. Iniisip nila, “Ayaw kong marinig iyan! Ayaw kong marinig iyan!” o, “Bakit hindi ibang tao ang pungusan? Bakit ako ang pinag-iinitan?” Ano ang ibig sabihin ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang pagiging tutol sa katotohanan ay kapag ganap na walang interes ang isang tao sa anumang may kinalaman sa mga positibong bagay, sa katotohanan, sa hinihingi ng Diyos, o sa mga layunin ng Diyos. Kung minsan ay nasusuklam siya sa mga ito; kung minsan ay ganap nilang binabalewala ang mga ito; kung minsan ay nagkakaroon siya ng saloobin ng kawalan ng paggalang at kawalan ng pakialam, hindi sineseryoso ang mga ito, tinatrato ang mga ito nang pabasta-basta at nang walang pakialam; o pinapangasiwaan niya ang mga ito nang may saloobin na ganap na walang responsabilidad. Ang pangunahing pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan ay hindi lamang pagkasuklam kapag naririnig ng mga tao ang katotohanan. Kabilang din dito ang pag-ayaw na isagawa ang katotohanan, pag-atras kapag oras na para isagawa ang katotohanan, na para bang walang kinalaman sa kanila ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan ang ilang tao sa mga pagtitipon, tila masiglang-masigla sila, gusto nilang ulit-ulitin ang mga salita at doktrina at magsalita ng matatayog na pahayag para mailigaw at makuha ang loob ng iba. Mukha silang puno ng sigla at ganadong-ganado habang ginagawa nila ito, at patuloy silang nagsasalita nang walang katapusan. Samantala, ang iba naman ay ginugugol ang buong araw mula umaga hanggang gabi na abala sa mga bagay na may kinalaman sa pananalig, nagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagdarasal, nakikinig sa mga himno, nagtatala, na para bang hindi nila kayang mawalay sa Diyos kahit isang sandali. Mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon, nagpapakaabala sila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Talaga bang minamahal ng mga taong ito ang katotohanan? Wala ba silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Kailan makikita ang tunay nilang kalagayan? (Pagdating ng oras na isasagawa na ang katotohanan, tumatakbo sila, at ayaw nilang tanggapin na mapungusan sila.) Dahil kaya ito sa hindi nila nauunawaan ang narinig nila o dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan kaya ayaw nilang tanggapin ito? Ang kasagutan ay wala sa mga ito. Pinamamahalaan sila ng kanilang kalikasan. Isa itong problema ng disposisyon. Sa puso nila, alam na alam ng mga taong ito na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, na positibo ang mga ito, at na ang pagsasagawa ng katotohanan ay makapagdudulot ng mga pagbabago sa mga disposisyon ng mga tao at dahil dito ay matutugunan nila ang mga layunin ng Diyos—ngunit hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang mga ito. Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Sino ang kinakitaan na ninyo ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? (Ang mga hindi mananampalataya.) Tutol sa katotohanan ang mga hindi mananampalataya, napakalinaw niyan. Walang paraan ang Diyos para iligtas ang gayong mga tao. Kaya, sa mga nananampalataya sa Diyos, sa ano-anong bagay ninyo nakitang tutol ang mga tao sa katotohanan? Maaaring noong nakipagbahaginan ka sa katotohanan sa kanila ay hindi sila tumayo at umalis, at noong napag-usapan sa pagbabahaginan ang sarili nilang mga paghihirap at isyu ay hinarap nila ito nang tama—pero mayroon pa rin silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Saan ito makikita? (Madalas silang makinig sa mga sermon, pero hindi nila isinasagawa ang katotohanan.) Ang mga taong hindi isinasagawa ang katotohanan ay walang dudang may disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Paminsan-minsan ay nagagawa ng ilang tao na isagawa nang kaunti ang katotohanan, kaya mayroon ba silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang gayong disposisyon ay matatagpuan din sa mga nagsasagawa sa katotohanan, magkakaiba lang ang antas. Hindi dahil kaya mong isagawa ang katotohanan ay nangangahulugan na wala kang disposisyong tutol sa katotohanan. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay hindi nangangahulugang agad na nagbago ang iyong buhay disposisyon—hindi ganoon ang kaso. Kailangan mong lutasin ang problema ng iyong tiwaling disposisyon, ito lang ang paraan para magtamo ka ng pagbabago sa iyong buhay disposisyon. Ang minsang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi nangangahulugan na wala ka nang tiwaling disposisyon. Kaya mong isagawa ang katotohanan sa isang aspekto, pero hindi iyon tiyak na nangangahulugan na kaya mong isagawa ang katotohanan sa iba pang mga aspekto. Magkakaiba ang mga nauugnay na konteksto at dahilan, pero ang pinakamahalaga ay na umiiral nga ang isang tiwaling disposisyon, na siyang ugat ng problema. Kaya, sa sandaling magbago na ang disposisyon ng isang tao, ang lahat ng kanyang paghihirap, pagdadahilan at palusot na may kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan—naayos ang lahat ng problemang ito, at ang lahat ng kanilang paghihimagsik, kasiraan, at kapintasan ay nalulutas. Kung hindi magbabago ang mga disposisyon ng mga tao, palagi silang mahihirapang isagawa ang katotohanan, at palaging magkakaroon ng mga pagdadahilan at palusot. Kung nais mong maisagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos sa lahat ng bagay, kailangan munang magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon. Saka mo lamang malulutas ang mga problema mula sa pinakaugat ng mga ito.
Ano ang pangunahing tinutukoy ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Talakayin muna natin ang isang uri ng kalagayan. Malaki ang interes ng ilang tao na makinig sa mga sermon, at habang mas nakikinig sila sa pagbabahaginan tungkol sa katotohanan, mas nagiging maliwanag ang kanilang puso at mas lalo silang nagagalak. Mayroon silang saloobin ng pagiging positibo at maagap. Pinatutunayan ba nito na wala silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? (Hindi.) Halimbawa, interesado ang ilang batang pito o walong taong gulang kapag nakaririnig sila tungkol sa pananalig sa Diyos, at palagi silang nagbabasa ng salita ng Diyos at dumadalo sa mga pagtitipon kasama ng kanilang mga magulang, at sinasabi ng ilang tao, “Walang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan ang batang ito, siya ay napakatalino, ipinanganak siya para manampalataya sa Diyos, hinirang siya ng Diyos.” Maaari ngang hinirang siya ng Diyos, pero hindi ganap na tumpak ang mga salitang ito. Ito ay dahil bata pa siya, at wala pa siyang tiyak na direksyon ng paghahangad at mga mithiin sa buhay. Kapag hindi pa nabubuo ang kanilang mga pananaw sa buhay at sa lipunan, maaaring sabihin na minamahal ng kanilang mga batang kaluluwa ang mga positibong bagay, pero hindi mo maaaring sabihin na wala silang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Bakit Ko ito sinasabi? Bata pa sila. Hindi pa ganap ang kanilang pagkatao, wala pa silang anumang karanasan, limitado pa ang naaabot ng kanilang pananaw, at hindi pa talaga nila nauunawaan kung ano ba ang katotohanan. Nagkakaroon lamang sila ng pagkahilig sa mga positibong bagay. Hindi mo maaaring sabihin na minamahal nila ang katotohanan, lalong hindi maaaring sabihing taglay nila ang katotohanang realidad. Bukod pa rito, wala pang karanasan ang mga bata, kaya hindi makikita ninuman kung ano ba ang nakatago sa puso nila, kung ano bang uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila. Dahil lamang sa interesado sila sa pananalig sa Diyos at sa pakikinig sa mga sermon ay tinutukoy ng mga tao na minamahal nila ang katotohanan—na isang pagpapamalas ng kamangmangan at kahangalan, dahil hindi alam ng mga bata kung ano ba ang katotohanan, kaya ni hindi masasabi ng isang tao kung gusto ba nila ang katotohanan o kung tutol sila rito. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay pangunahing tumutukoy sa kawalan ng interes at pagkasuklam sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Ang pagiging tutol sa katotohanan ay kapag kaya ng mga taong maunawaan ang katotohanan at malaman kung ano ang mga positibong bagay, pero tinatrato pa rin nila ang katotohanan at ang mga positibong bagay nang may saloobin at kalagayan na lumalaban, pabasta-basta, nasusuklam, umiiwas, at walang pakialam. Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Umiiral ba ang ganitong uri ng disposisyon sa lahat ng tao? Sinasabi ng ilang tao, “Bagama’t alam kong ang salita ng Diyos ang katotohanan, hindi ko pa rin ito gusto o tinatanggap, o kahit papaano ay hindi ko ito kayang tanggapin sa ngayon.” Ano ang nangyayari dito? Ito ay pagiging tutol sa katotohanan. Hindi sila tinutulutan ng disposisyong nasa loob nila na tanggapin ang katotohanan. Ano-anong partikular na pagpapamalas ang nasa hindi pagtanggap sa katotohanan? Sinasabi ng ilan, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko lang talaga maisagawa ang mga ito.” Ibinubunyag nito na ito ay isang taong tutol sa katotohanan, at na hindi niya minamahal ang katotohanan, kaya hindi niya maisagawa ang anumang mga katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos kung kaya’t nagawa kong kumita ng napakaraming pera. Talagang pinagpala ako ng Diyos, talagang naging napakabuti sa akin ng Diyos, binigyan ako ng Diyos ng malaking kayamanan. Nakapagdadamit nang maganda at nakakakaing mabuti ang aking buong pamilya, at hindi sila kinakapos sa mga damit o pagkain.” Nang makitang pinagpala sila ng Diyos, pinasasalamatan ng mga taong ito ang Diyos sa puso nila, alam nila na ang lahat ng ito ay pinaghaharian ng Diyos, at na kung hindi sila pinagpala ng Diyos—kung umasa sila sa sarili nilang mga talento—hinding-hindi nila kikitain ang lahat ng perang ito. Ito ang talagang iniisip nila sa puso nila, ang talagang nalalaman nila, at talagang nagpapasalamat sila sa Diyos. Pero darating ang araw na babagsak ang negosyo nila, mahihirapan sila, at daranasin nila ang kahirapan. Bakit ganito? Dahil nagpapasasa sila sa kaginhawahan, at hindi nila iniisip kung paano maayos na gagampanan ang kanilang tungkulin, at iginugugol nila ang lahat ng kanilang oras sa paghahangad ng mga kayamanan, pagiging alipin ng pera, na nakaaapekto sa paggampan nila ng kanilang tungkulin, kung kaya’t inaalis ito sa kanila ng Diyos. Sa puso nila, alam nilang labis silang pinagpala ng Diyos, at marami nang ibinigay sa kanila ang Diyos, pero wala silang pagnanais na suklian ang pagmamahal ng Diyos, ayaw nilang lumabas at gumampan ng kanilang tungkulin, at takot sila at palaging nangangamba na maaresto, at natatakot silang mawala ang lahat ng kayamanan at kasiyahang ito, at bilang resulta, inaalis sa kanila ng Diyos ang mga ito. Kasinglinaw ng salamin ang kanilang puso, alam nilang kinuha sa kanila ng Diyos ang mga bagay na ito, at na dinidisiplina sila ng Diyos, kaya nagdarasal sila sa Diyos at sinasabing, “O, Diyos! Pinagpala Mo ako nang minsan, kaya maaari Mo akong pagpalain nang ikalawang beses. Walang hanggan ang Iyong pag-iral, kaya ganoon din ang Iyong mga pagpapala sa sangkatauhan. Nagpapasalamat ako sa Iyo! Anuman ang mangyari, hindi magbabago ang Iyong mga pagpapala at ang Iyong pangako. Kung may kukunin Ka sa akin, magpapasakop pa rin ako.” Pero ang salitang “magpasakop” ay walang diin kapag sinasabi nila ito. Sinasabi nila na kaya nilang magpasakop, pero pagkatapos, pinag-iisipan nila ito, at pakiramdam nila ay parang may mali rito: “Ang sarap ng buhay noon. Bakit kinuha ng Diyos ang lahat ng iyon? Hindi ba’t pareho lang naman ang paglalagi sa bahay habang ginagawa ang aking tungkulin at ang paglabas para gawin ang aking tungkulin? Ano ang inaantala ko?” Palagi nilang binabalik-balikan ang nakaraan. Mayroon silang reklamo at pagkadismaya sa Diyos, at palagi silang lugmok sa depresyon. Nasa puso pa ba nila ang Diyos? Ang nasa puso nila ay pera, mga materyal na kaginhawahan, at ang masasayang panahong iyon. Walang anumang puwang ang Diyos sa puso nila, hindi na Siya ang Diyos nila. Bagama’t alam nilang isang katotohanan na “Ang Diyos ang nagbigay, at ang Diyos ang nag-alis,” gusto nila ang mga salitang “Ang Diyos ang nagbigay,” at tutol sila sa mga salitang “ang Diyos ang nag-alis.” Malinaw na may pinipili ang pagtanggap nila sa katotohanan. Kapag pinagpapala sila ng Diyos, tinatanggap nila ito bilang ang katotohanan—pero sa sandaling may kunin sa kanila ang Diyos, hindi nila ito matanggap. Hindi nila matanggap ang gayong kataas-taasang kapangyarihan mula sa Diyos, at sa halip ay lumalaban sila at sumasama ang loob. Kapag hinihingi sa kanila na gampanan nila ang tungkulin nila, sinasabi nila, “Gagawin ko iyan kung pagpapalain at bibiyayaan ako ng Diyos. Kung walang mga pagpapala ng Diyos at kung nasa ganitong lagay ng kahirapan ang pamilya ko, paano ko magagampanan ang aking tungkulin? Ayaw ko nga!” Anong disposisyon ito? Bagama’t sa puso nila ay personal nilang nararanasan ang mga pagpapala ng Diyos, at kung paanong napakarami na Niyang ibinigay sa kanila, hindi nila matanggap kapag may kinukuha ang Diyos sa kanila. Bakit ganito? Dahil hindi nila mapakawalan ang pera at ang maginhawa nilang buhay. Bagama’t maaaring hindi sila gaanong nagreklamo tungkol doon, maaaring hindi sila gumiit sa Diyos, at maaaring hindi nila sinubukang bawiin ang dati nilang mga pag-aari sa pamamagitan ng sarili nilang mga pagsisikap, pinanghinaan na sila ng loob sa mga ikinilos ng Diyos, ganap nilang hindi kayang tumanggap, at sinasabi nila, “Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa pagkilos Niya nang ganito. Hindi ito maarok. Paano ako makapagpapatuloy na manampalataya sa Diyos? Ayaw ko nang kilalanin na Siya ang Diyos. Kung hindi ko Siya kikilalanin na Diyos, hindi Siya ang Diyos.” Isang uri ba ito ng disposisyon? (Oo.) May ganitong uri ng disposisyon si Satanas, ganito itinatanggi ni Satanas ang Diyos. Ang ganitong uri ng disposisyon ay pagiging tutol sa katotohanan at pagkamuhi sa katotohanan. Kapag umabot na sa ganito ang pagtutol ng mga tao sa katotohanan, saan sila nito dadalhin? Dahil dito ay sinasalungat nila ang Diyos at may katigasan ng ulong sinasalungat ang Diyos hanggang sa pinakahuli—na nangangahulugang tapos na ang lahat para sa kanila.
Ano ba talaga ang kalikasan ng disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Ang mga taong tutol sa katotohanan ay hindi minamahal ang mga positibong bagay o anumang ginagawa ng Diyos. Gawin nating halimbawa ang gawain ng Diyos ng paghatol sa mga huling araw: Walang gustong tumanggap sa gawaing ito. Iilan lamang ang mga taong gustong makinig sa mga sermon tungkol sa paglalantad, pagkondena, pagkastigo, pagsubok, pagpipino, pagtutuwid, at pagdidisiplina ng Diyos sa mga tao, pero masaya silang marinig ang tungkol sa pagpapala at panghihikayat ng Diyos sa mga tao at ang Kanyang mga pangako sa mga tao—walang tumatanggi sa mga ito. Kagaya ito noong Kapanahunan ng Biyaya, nang gawin ng Diyos ang gawain ng pagpapatawad, pagpapawalang-sala, pagpapala at pagkakaloob ng biyaya sa tao, nang magpagaling Siya ng mga may sakit at magpalayas ng mga demonyo, at mangako sa mga tao—handa ang mga tao na tanggapin ang lahat ng iyon, pinuri nilang lahat si Jesus para sa dakila Niyang pagmamahal sa tao. Pero ngayong dumating na ang Kapanahunan ng Kaharian at ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol, at nagpapahayag Siya ng maraming katotohanan, walang may pakialam. Paano man ilantad at hatulan ng Diyos ang mga tao, hindi nila ito tinatanggap, at sinasabi pa nga nila sa kanilang sarili, “Magagawa ba ng Diyos ang gayong bagay? Hindi ba’t mahal ng Diyos ang tao?” Kung sila ay pinupungusan, itinutuwid, o dinidisiplina, mas marami pa silang kuru-kuro, at sinasabi nila sa sarili nila, “Paano ito naging pagmamahal ng Diyos? Ang mga salitang ito ng paghatol at pagkondena ay hindi talaga mapagmahal, hindi ko tinatanggap ang mga ito. Hindi ako ganoon kahangal!” Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Pagkatapos marinig ang katotohanan, sinasabi ng ilang tao, “Anong katotohanan? Isa lang itong teorya. Tila ba ito ay napakamarangal, napakamakapangyarihan, napakabanal—pero ang mga ito ay mga salita lang na magandang pakinggan.” Hindi ba’t ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan? Ito ang disposisyon ng pagiging tutol sa katotohanan. Mayroon ba kayong ganitong uri ng disposisyon? (Mayroon.) Sa anong kalagayang kababanggit Ko lamang ang pinakamalamang kayong mahulog, ang pinakakaraniwan ninyong nakikita, at ang pinakanaaarok ninyo? (Ang pagtanggi na mahirapan kapag ginagampanan ang aming tungkulin, ang pag-ayaw na mahatulan at makastigo ng Diyos, ang pagkagusto na maging maayos ang takbo ng lahat.) Ang pagtanggi sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang pagtanggi sa pagdidisiplina at pagtutuwid ng Diyos, ang malinaw na pagkaalam na gumagawa ng kabutihan dito ang Diyos pero lumalaban pa rin kayo sa inyong puso: isang uri ito ng pagpapamalas. Ano pa? (Ang pagiging masaya kapag naging epektibo kami sa pagganap ng aming tungkulin, at pagiging negatibo, mahina, at walang kakayahan na aktibong makipagtulungan kapag hindi kami naging epektibo.) Anong uri ng pagpapamalas ito? (Katigasan ng kalooban.) Kailangan ninyong maging tumpak tungkol dito. Huwag kayong malito at bulag na ilapat ang mga panuntunan. Kung minsan, masyadong komplikado ang mga kalagayan ng mga tao; hindi lamang iisang uri ang mga ito, kundi dalawa o tatlo na magkakahalo. Paano mo ito inilalarawan, kung ganoon? Kung minsan ay ihahayag ng isang disposisyon ang sarili nito sa dalawang kalagayan, kung minsan ay sa tatlo, pero kahit na magkakaiba ang mga kalagayang ito, sa huli, ang lahat ng ito ay nagmumula sa parehong disposisyon. Kailangan ninyong maunawaan ang disposisyong ito ng pagiging tutol sa katotohanan, at dapat ninyong suriin kung ano ang mga pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan. Sa ganitong paraan, tunay ninyong mauunawaan ang disposisyong ito ng pagiging tutol sa katotohanan. Tutol ka sa katotohanan. Alam na alam mong tama ang isang bagay—hindi kinakailangang ito ang mga salita ng Diyos o ang mga katotohanang prinsipyo, at kung minsan, ito ay mga positibong bagay, mga tamang bagay, mga tamang salita, mga tamang mungkahi—pero sinasabi mo pa rin, “Hindi ito ang katotohanan, ang mga ito ay mga tamang salita lamang. Ayaw kong makinig—hindi ako nakikinig sa mga salita ng mga tao!” Anong disposisyon ito? Mayroon ditong pagiging mapagmataas, pagkamatigas ng kalooban, at pagiging tutol sa katotohanan—naroroon ang lahat ng uring ito ng disposisyon. Ang bawat uri ng disposisyon ay maaaring magdulot ng maraming uri ng kalagayan. Ang isang kalagayan ay maaaring may kaugnayan sa ilang magkakaibang disposisyon. Kailangang maging malinaw sa iyo kung ano-anong uri ng disposisyon ang nagdudulot ng mga kalagayang ito. Sa ganitong paraan, magagawa mong matukoy ang iba’t ibang uri ng tiwaling disposisyon.
Sa apat na uri ng tiwaling disposisyon na katatapos lang nating pagbahaginan, alinman sa mga ito ay sapat na para makondena ang mga tao ng kamatayan—sumosobra na ba kung sasabihin ito? (Hindi.) Paano ba nagsisimula ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Lahat ng ito ay nagmumula kay Satanas. Napupuno ang mga tao ng lahat ng maling pananampalataya at maling kaisipang ikinakalat ni Satanas, ng mga diyablo, at ng mga tanyag at bantog na tao, at sa gayon ay nabubuo ang iba’t ibang mga tiwaling disposisyong ito. Positibo ba o negatibo ang mga disposisyong ito? (Negatibo.) Ano ang batayan mo sa pagsasabing negatibo ang mga ito? (Ang katotohanan.) Dahil nilalabag ng mga disposisyong ito ang katotohanan at nilalabanan ang Diyos, at mapanlaban na sinasalungat ng mga ito ang disposisyon ng Diyos at ang lahat ng kung anong mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, samakatwid, kung matatagpuan sa mga tao ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito, sila ay nagiging tao na lumalaban sa Diyos. Kung matatagpuan sa iisang tao ang apat na disposisyong ito, malubha ito at naging kaaway na siya ng Diyos, at tiyak na kamatayan ang kanyang kinalabasan. Anumang disposisyon ito, kung titimbangin mo ito gamit ang katotohanan, makikita mong ang diwang ipinamamalas ng bawat disposisyon ay pawang nakatuon laban sa Diyos, sa paglaban sa Diyos, at sa pagkapoot sa Diyos. Kaya, kung hindi magbabago ang iyong mga disposisyon, hindi ka magiging kaayon ng Diyos, kamumuhian mo ang katotohanan at magiging kaaway ka ng Diyos.
Sunod, pag-usapan natin ang ikalimang uri ng disposisyon. Bibigyan Ko kayo ng halimbawa, at puwede ninyong subukang alamin kung ano nga bang uri ito ng disposisyon. Ipagpalagay na nag-uusap ang dalawang tao, at masyadong prangkang magsalita ang isa sa kanila, kaya sumama ang loob ng isa pa. Iniisip niya, “Bakit masyado kang mapanakit sa aking pride? Akala mo ba ay hinahayaan kong pag-initan ako ng mga tao?” kaya nabubuo ang pagkamuhi sa kalooban niya. Sa realidad, madaling lutasin ang problemang ito. Kung may nasabi ang isang tao na nakasakit sa kanyang kapwa, basta’t humingi ng tawad ang nakasakit, lilipas ang isyu. Pero kung ang usaping ito ay hindi mabitiwan ng taong sumama ang loob at para sa kanya ay “hindi pa huli ang lahat para maghiganti ang isang maginoo,” anong disposisyon ito? (Pagiging mapaminsala.) Tama iyan—ito ay pagiging mapaminsala, at isa itong taong may malupit na disposisyon. Sa iglesia, pinupungusan ang ilang tao dahil hindi nila ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin. Ang mga salitang binibitawan kapag pinupungusan ang isang tao ay madalas na may kasamang pagsaway at marahil ay may kasama pa ngang panenermon. Tiyak na sasama ang loob niya dahil dito, at gugustuhin niyang magdahilan at sumagot. Magsasabi siya ng mga bagay gaya ng, “Bagama’t pinungusan mo ako sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay na tama, ang ilan sa sinabi mo ay talagang nakasasama ng loob, at ipinahiya mo ako at sinaktan mo ang damdamin ko. Maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos. Kahit na wala akong anumang mga nakamit, nagtiis ako ng paghihirap. Paanong ganito ang pakikitungo sa akin? Bakit wala kang ibang pinupungusan? Hindi ko ito matatanggap at hindi ko ito mapalalampas!” Isa itong uri ng tiwaling disposisyon, hindi ba? (Oo.) Ang tiwaling disposisyong ito ay naipamamalas lamang sa pamamagitan ng mga reklamo, pagsuway, at antagonismo, pero hindi pa ito umaabot sa sukdulan nito, hindi pa ito umaabot sa rurok nito, bagama’t nagpapakita na ito ng ilang tanda, at nagsimula na itong umabot sa punto na sasabog na ito. Ano ang saloobin niya pagkatapos na pagkatapos nito? Hindi siya mapagpasakop, naiirita siya at palaban at nagsisimula siyang maglabas ng galit. Nagsisimula siyang makipagtalo at sinusubukan niyang pangatwiranan ang kanyang sarili: “Hindi laging tama ang mga lider at manggagawa kapag pinupungusan nila ang mga tao. Maaaring kaya ninyong lahat na tanggapin ito, pero hindi ko kaya. Kaya ninyong tanggapin ito dahil mga hangal at duwag kayo. Hindi ko ito tinatanggap! Mag-usap tayo at tingnan natin kung sino ang tama o mali.” Pagkatapos ay nakikipagbahaginan sa kanya ang mga tao, sinasabing, “Tama man o mali, ang una mong kailangang gawin ay ang sumunod. Posible bang ni wala man lang bahid ang paggampan mo sa iyong tungkulin? Ginagawa mo ba nang tama ang lahat ng bagay? Kahit pa ginagawa mo nang tama ang lahat ng bagay, makatutulong pa rin sa iyo na mapungusan! Napakaraming beses na kaming nagbahagi sa iyo tungkol sa mga prinsipyo, pero hindi ka kailanman nakinig at pinili mong basta na lang gawin ang gusto mo, na nakagulo sa gawain ng iglesia at nagsanhi ng malalaking kawalan, kaya paanong hindi mo maharap ang mapungusan? Maaaring malupit ang pagkakasabi, at maaaring masakit itong pakinggan, pero normal lang iyon, hindi ba? Kaya bakit ka nakikipagtalo? Dapat bang hayaan ka na lang na gumawa ng masasamang bagay nang hindi tinutulutan ang ibang tao na pungusan ka?” Pero magagawa ba niyang tanggapin ang pagpupungos pagkatapos niyang marinig ito? Hindi. Magpapatuloy lang siya sa pakikipagtalo at paglaban. Anong disposisyon ang ibinunyag niya? Ang pagka-diyablo; isa itong malupit na disposisyon. Ano ang talagang ibig niyang sabihin? “Hindi ko hinahayaan na inisin ako ng mga tao. Walang dapat sumubok na kumanti sa akin. Kung ipapakita ko sa iyo na hindi ako basta-basta puwedeng guluhin, hindi ka mangangahas na pungusan ako sa hinaharap. Hindi ba’t nanalo na ako kung magkagayon?” Anong tingin ninyo rito? Nalantad na ang disposisyon, hindi ba? Isa itong malupit na disposisyon. Ang mga taong may malulupit na disposisyon ay hindi lamang tutol sa katotohanan—kinamumuhian nila ang katotohanan! Kapag isinasailalim sila sa pagpupungos, sinusubukan nila itong takasan o kaya naman ay hindi nila ito pinapansin—sa puso nila, labis silang mapanlaban. Hindi ito isang simpleng kaso ng pakikipagtalo nila. Hindi talaga iyon ang saloobin nila. Sumusuway sila at lumalaban, at sinusubukan pa nga nilang makipag-away na parang isang bungangera. Sa puso nila, iniisip nila, “Nauunawaan kong sinusubukan mo akong bigyang kahihiyan at sadyang ipahiya, at kahit na hindi ako nangangahas na salungatin ka nang harap-harapan, maghihintay ako ng pagkakataon para makaganti! Akala mo ba ay puwede mo akong basta na lang pungusan at apihin? Gagawa ako ng paraan para kumampi ang lahat sa akin, mabukod ka, at hahayaan ko na matikman mo ang pakiramdam ng mamaltrato!” Ito ang kanilang iniisip sa kanilang puso; sa wakas ay nabunyag na ang kanilang malupit na disposisyon. Alang-alang sa pagtamo ng kanilang mga pakay at pagbubulalas ng kanilang galit, nakikipagtalo sila sa abot ng makakaya nila para mapangatwiranan ang sarili nila at mapakampi sa kanila ang lahat. Saka lamang sila magiging masaya at panatag ang loob. Mapaminsala ito, hindi ba? Isa itong malupit na disposisyon. Kapag hindi pa sila napupungusan, parang maliliit na kordero ang mga ganitong tao. Kapag isinailalim na sila sa pagpupungos, o kapag nalantad na ang kanilang tunay na pagkatao, mula sa pagiging kordero ay agad silang nagiging lobo, at lumalabas ang pagiging lobo nila. Isa itong malupit na disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya bakit hindi ito kadalasang nakikita? (Hindi pa sila napupukaw.) Tama iyan, hindi pa sila napupukaw at hindi pa nalalagay sa panganib ang kanilang mga interes. Kagaya ito ng kung paanong hindi ka kakainin ng isang lobo kapag hindi naman ito gutom—masasabi mo ba kung gayon na hindi ito isang lobo? Kung maghihintay ka hanggang sa tangkain nitong kainin ka bago mo ito tawaging lobo, magiging masyadong huli na, hindi ba? Kahit na hindi ka pa nito pinagtatangkaang kainin, dapat maging mapagbantay ka na sa lahat ng oras. Hindi dahil sa hindi ka kinakain ng lobo ay nangangahulugan nang ayaw ka nitong kainin, bagkus ay hindi pa lang dumating ang oras—at kapag dumating na ang oras, lalabas na ang likas na pagka-lobo nito. Naibubunyag ng pagpupungos ang lahat ng uri ng tao. Iniisip ng ilang tao, “Bakit ba ako lang ang pinupungusan? Bakit ba ako ang laging pinag-iinitan? Sa tingin ba nila ay puwedeng-puwede akong alipustahin? Hindi ako ang uri ng tao na puwede ninyong banggain!” Anong disposisyon ito? Paanong sila lang ang pinupungusan? Hindi naman talaga ganito ang mga bagay-bagay. Sino sa inyo ang hindi pa pinungusan? Lahat kayo ay naranasan na iyon. Kung minsan ay walang prinsipyo at padalos-dalos sa kanilang gawain ang mga lider at manggagawa, o kaya ay hindi nila ito isinasakatuparan nang ayon sa mga pagsasaayos ng gawain—at karamihan sa kanila ay pinupungusan. Ginagawa ito upang mapangalagaan ang gawain ng iglesia at mapigilan ang mga tao na lumihis mula sa tamang landas. Hindi ito ginagawa upang puntiryahin ang sinumang partikular na indibidwal. Ang sinabi nila ay malinaw na pagbabaluktot ng mga katunayan, at isa rin itong pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon.
Sa ano pang ibang mga paraan naipamamalas ang isang malupit na disposisyon? Ano ang kinalaman nito sa pagiging tutol sa katotohanan? Ang totoo, kapag naipamamalas ang pagiging tutol sa katotohanan sa isang malubhang paraan, kapag taglay nito ang mga katangian ng paglaban at paghusga, nagbubunyag ito ng isang malupit na disposisyon. Kinapapalooban ng ilang kalagayan ang pagiging tutol sa katotohanan, mula sa kawalan ng interes sa katotohanan hanggang sa pagiging tutol sa katotohanan, na nagiging paghusga sa Diyos at pagkondena sa Diyos. Kapag umabot na sa isang punto ang pagiging tutol sa katotohanan, malamang na itatwa ng mga tao ang Diyos, kamuhian ang Diyos, at salungatin ang Diyos. Ang ilang kalagayang ito ay malupit na disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kaya, ang mga tutol sa katotohanan ay may mas malubha pang kalagayan, at napapaloob dito ang isang uri ng disposisyon: ang malupit na disposisyon. Halimbawa, kinikilala ng ilang tao na pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay, pero kapag may kinukuha sa kanila ang Diyos, at dumaranas sila ng mga kawalan sa kanilang mga interes, hindi sila hayagang nagrereklamo o sumasalungat, pero sa kalooban nila ay wala silang pagtanggap o pagpapasakop. Ang saloobin nila ay ang umupo nang pasibo at maghintay ng pagkawasak—na malinaw na ang kalagayan ng pagiging tutol sa katotohanan. May isa pang kalagayan na mas malubha pa: Hindi sila pasibong nakaupo at naghihintay ng pagkawasak, kundi nilalabanan nila ang mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos, at nilalabanan ang pag-alis ng Diyos ng mga bagay-bagay mula sa kanila. Paano sila lumalaban? (Sa pamamagitan ng panggagambala at panggugulo sa gawain ng iglesia, o kaya ay pananabotahe ng mga bagay-bagay, sa pagtatangka na magtatag ng sarili nilang kaharian.) Isa iyang paraan. Matapos tanggalin ang ilang lider ng iglesia, palagi nilang ginagambala ang mga bagay-bagay at nanggugulo sa iglesia habang isinasabuhay ng mga ito ang buhay iglesia, lumalaban sila at sumusuway sa lahat ng sinasabi ng mga bagong hinirang na lider, at sinisikap nilang siraan ang mga ito kapag nakatalikod ang mga ito. Anong disposisyon ito? Isa itong malupit na disposisyon. Ang tunay nilang iniisip ay, “Kung hindi ako puwedeng maging lider, walang ibang puwedeng manatili sa posisyong ito, paaalisin ko silang lahat! Kung mapipilit kitang umalis, ako na ang mamamahala gaya ng dati!” Hindi lang ito pagiging tutol sa katotohanan, malupit ito! Ang pakikipag-agawan para sa katayuan, ang pakikipag-agawan para sa teritoryo, ang pakikipag-agawan para sa mga personal na interes at reputasyon, ang paggawa ng kahit ano para makapaghiganti, ang paggawa ng lahat ng makakaya ng isang tao, ang paggamit ng lahat ng kasanayan ng isang tao, ang paggawa ng lahat ng maaaring gawin para makamit ng isang tao ang kanyang mga pinapakay, para maisalba ang kanyang reputasyon, pride, at katayuan, o kaya ay para matugunan ang kanyang pagnanais na makapaghiganti—ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kalupitan. Ang ilang pag-uugali ng isang malupit na disposisyon ay kinapapalooban ng pagsasabi ng maraming bagay na nakakagulo at nakakagambala; ang ilan ay kinapapalooban ng paggawa ng maraming masamang bagay para makamit ang mga pakay ng isang tao. Maging sa mga salita man o sa mga gawa, ang lahat ng ginagawa ng gayong mga tao ay hindi nakaayon sa katotohanan, at lumalabag sa katotohanan, at lahat ng ito ay pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon. Hindi kaya ng ilang tao na makilatis ang mga bagay na ito. Kung hindi hayagan ang maling pananalita o pag-uugali, hindi nila makikita kung ano ba talaga ito. Pero para sa mga taong nakauunawa sa katotohanan, ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay masama, at hindi kailanman makapaglalaman ng anumang tama, o umaayon sa katotohanan; ang mga bagay na ito na sinasabi at ginagawa ng mga taong ito ay masasabing 100 porsiyentong masama at ganap na mga pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon. Ano-ano ang motibasyon ng masasamang tao bago nila ibunyag ang malupit na disposisyong ito? Ano-anong uri ng mga layon ang sinusubukan nilang matamo? Paano nila nagagawa ang gayong mga bagay? Makikilatis ba ninyo ito? Bibigyan Ko kayo ng halimbawa. May nangyari sa mga tahanan ng ilang tao. Isinailalim ang mga tahanan sa pagmamatyag ng malaking pulang dragon, at hindi makauwi ang mga taong ito, na labis na nagpahirap sa kanya. Pinatuloy siya ng ilang kapatid, at nang makita niya kung gaano kaayos ang lahat sa mga tahanang matutuluyan na ito, inisip niya, “Bakit wala pang nangyari sa tahanan mo? Bakit ito nangyari sa tahanan ko? Hindi iyan patas. Hindi ito maaari, kailangan kong mag-isip ng paraan para may mangyari sa tahanan mo, para hindi ka makauwi. Ipatitikim ko sa iyo ang paghihirap na gaya ng pinagdusahan ko.” May gawin man siya o wala, o maging realidad man ito o hindi, o makamit man niya o hindi ang kanyang mga pakay, taglay pa rin niya ang ganitong uri ng intensyon. Isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? (Oo.) Kung hindi siya makapamuhay nang maganda, hindi rin niya hahayaan ang iba na makapamuhay nang maganda. Ano ang kalikasan ng gayong disposisyon? (Pagiging mapaminsala.) Isang malupit na disposisyon—nakaririmarim ang mga taong ito! Gaya ng kasabihan, bulok na ang kanyang kaloob-kalooban. Inilalarawan nito kung gaano talaga siya kalupit. Ano ang kalikasan ng gayong disposisyon? Subukan ninyong himayin kung ano ang kanyang mga motibasyon, intensyon, at pakay kapag nabubunyag ang disposisyong ito sa kanya. Saan nagmumula ang pagbubunyag niya ng disposisyong ito? Ano ang nais niyang makamit? May nangyari sa sarili niyang tahanan, at maayos siyang tinutustusan sa mga tahanang matutuluyan na ito—kaya bakit niya ito gugustuhing guluhin? Masaya lang ba siya kapag nagulo na niya ang buhay ng kanyang mga tagapagpatuloy, kaya may nangyayari sa mga tahanang matutuluyan na ito at hindi na rin makauwi ang kanyang mga tagapagpatuloy? Para sa sarili niyang kapakanan, dapat ay protektahan niya ang mga lugar na ito, pigilan na may mangyaring anuman sa mga ito, at hindi ipahamak ang kanyang mga tagapagpatuloy, dahil ang pagpapahamak sa mga ito ay pagpapahamak din sa kanyang sarili. Kaya, ano ba mismo ang layon niya sa pagnanais na gawin ito? (Kapag hindi maayos ang mga bagay-bagay para sa kanya, ayaw rin niyang maging maayos ang mga bagay-bagay para sa ibang tao.) Kalupitan ang tawag dito. Ang iniisip niya ay, “Winasak ng malaking pulang dragon ang tahanan ko at ngayon ay wala na akong tahanan. Pero mayroon ka pa ring maganda at komportableng tahanan na maaari mong uwian. Hindi ito patas. Hindi ko maatim na makita na nakakauwi ka pa sa tahanan mo. Tuturuan kita ng leksyon. Gagawa ako ng paraan para hindi ka na makauwi at magiging pareho lang tayo. Magiging patas ang mga bagay-bagay kapag nangyari ito.” Hindi ba’t ang paggawa nito ay mapaminsala at may masamang hangarin? Ano ang kalikasan nito? (Kalupitan.) Ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng masasamang tao ay para matamo ang isang pakay. Ano-anong klaseng bagay ang kadalasan nilang ginagawa? Ano ang mga pinakakaraniwang bagay na ginagawa ng mga taong may malulupit na disposisyon? (Ginagambala, ginugulo, at sinisira nila ang gawain ng iglesia.) (Sinusubukan nilang magpalakas kapag kaharap nila ang mga tao, pero pagkatapos niyon ay sinusubukan nilang siraan ang mga tao kapag nakatalikod ang mga ito.) (Inaatake nila ang mga tao, mapaghiganti sila at mapaminsala nilang binabatikos ang mga tao.) (Nagpapakalat sila ng mga walang batayang tsismis at paninirang-puri.) (Sinisiraan, hinuhusgahan, at kinokondena nila ang iba.) Ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ay ang guluhin at sirain ang gawain ng iglesia, at lahat ng ito ay pagpapamalas ng paglaban at pag-atake sa Diyos, pawang pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon. Ang mga taong kayang gawin ang mga ito ay walang dudang masasamang tao, at lahat ng nagtataglay ng ilang partikular na pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon ay maaaring ilarawan bilang masasamang tao. Ano ang diwa ng isang masamang tao? Ito ay ang diwa ng isang diyablo at ng Satanas. Hindi ito pagmamalabis. Kaya ba ninyong gawin ang mga pagkilos na ito? Alin sa mga pagkilos na ito ang kaya ninyong gawin? (Ang pagiging mapanghusga.) Kaya, nangangahas ba kayong atakihin o paghigantihan ang mga tao? (Kung minsan ay mayroon akong ganitong mga kaisipan, pero hindi ako nangangahas na gawin ang mga ito.) Mayroon lang kayong mga ganitong kaisipan, pero hindi kayo nangangahas gawin ang mga ito. Kung sinasaktan ka ng isang taong may mas mababang katayuan, mangangahas ka bang maghiganti? (Kung minsan, oo, kaya kong gawin ang gayong mga bagay.) Kung talagang matindi ang taong ito—kung siya ay napakagaling magsalita, at nasaktan ka niya—mangangahas ka bang maghiganti? Marahil ay iilan lang ang hindi matatakot na gawin ito. Ang mga ganitong tao, mga taong pinag-iinitan ang mahihina pero kinatatakutan ang malalakas, mayroon ba silang malulupit na disposisyon? (Mayroon.) Anumang uri ng pag-uugali ito, at kanino man ito nakatuon, kung kaya mong gawin ang masamang gawa ng paghihiganti sa mga kapatid, pinatutunayan nito na mayroong malupit na disposisyon sa kalooban mo. Sa panlabas ay tila hindi gaanong naiiba ang malupit na disposisyong ito, pero kailangan ay kaya mo itong matukoy at kailangan ay kaya mong matukoy kung sino ba ang pinupuntirya mo. Kung mabagsik ka kay Satanas at kaya mong lupigin at ipahiya si Satanas, maituturing ba itong malupit na disposisyon? Hindi. Ito ay paninindigan para sa kung ano ang tama at pagiging walang takot sa harap ng kalaban. Ito ay pagpapahalaga sa katarungan. Sa ano-anong sitwasyon ito maituturing na isang malupit na disposisyon? Kung aapihin, yuyurakan, at ipapahiya mo ang mabubuting tao o ang mga kapatid, ito ay magiging malupit na disposisyon. Kaya, kailangan ay mayroon kang konsensiya at katwiran, maharap mo ang mga tao at mga bagay-bagay nang may mga prinsipyo, makilatis mo ang masasamang tao, ang mga diyablo, magkaroon ka ng pagpapahalaga sa katarungan, kailangan ay mapagparaya ka at mapagpasensiya sa mga hinirang ng Diyos at sa mga kapatid, at kailangan ay magsagawa ka nang ayon sa katotohanan. Ito ay lubos na tama, at nakaayon sa mga layunin ng Diyos. Ang mga taong may malulupit na disposisyon ay hindi tinatrato ang mga tao nang ayon sa mga ganitong prinsipyo. Kung ang isang tao, maging sino man ito, ay gumagawa ng isang bagay na nakakasakit sa kanila, susubukan nilang makabawi—ito ay pagiging malupit. Walang prinsipyo sa paraan ng pagkilos ng masasamang tao. Hindi nila hinahanap ang katotohanan. Maging ito man ay pagkilos nang dahil sa personal na galit, o pang-aapi sa mahihina at pagiging takot sa malalakas, o pangangahas na maghiganti kaninuman, ang lahat ng ito ay may kinalaman sa isang malupit na disposisyon, at lahat ng ito ay bumubuo ng isang tiwaling disposisyon. Hindi ito mapag-aalinlanganan.
Ano ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng isang taong may malupit na disposisyon? Ito ay kapag nakatagpo siya ng isang taong totoo na madaling pag-initan at nagsimula siyang pag-initan at paglaruan ito. Ito ay karaniwang pangyayari. Kapag ang isang taong medyo mabait ay nakakita ng isang taong totoo at mahina ang loob, maaawa siya rito, at kahit pa hindi niya ito kayang tulungan, hindi niya ito aapihin. Kapag nakita mong ang isa sa mga kapatid mo ay taong totoo, paano mo siya tinatrato? Inaapi mo ba siya o tinutukso siya? (Malamang ay hahamakin ko siya.) Ang paghamak sa mga tao ay isang paraan ng pagtingin sa kanila, ng pagturing sa kanila, isang uri ng mentalidad, pero kung paano ka kumilos at magsalita sa kanila ay may kinalaman sa iyong disposisyon. Sabihin ninyo sa Akin, paano kayo kumikilos tungo sa mga taong mahiyain at mahina ang loob? (Inuutus-utusan ko sila at pinag-iinitan.) (Kapag nakikita kong mahina ang paggawa nila sa tungkulin nila, dinidiskrimina at ibinubukod ko sila.) Ang mga nabanggit ninyong ito ay mga pagpapamalas ng isang malupit na disposisyon at may kinalaman sa mga disposisyon ng mga tao. Marami pang ibang ganitong bagay, kaya hindi na kailangan pang idetalye ang mga ito. Nakatagpo na ba kayo ng gayong tao, isang taong gustong mamatay ang sinumang nakapagpasama ng loob niya, at nanalangin pa nga sa Diyos, hiniling sa Diyos na isumpa ang taong iyon, na burahin ang taong iyon sa balat ng lupa? Bagama’t walang taong may gayong kapangyarihan, sa puso niya ay iniisip niya kung gaano sana kaganda kung nagkagayon nga, o kaya ay nananalangin siya sa Diyos at hinihiling na ang Diyos ang gumawa nito. Mayroon ba kayong mga gayong kaisipan sa inyong puso? (Kapag nangangaral kami ng ebanghelyo at nakatatagpo kami ng masasamang tao na inaatake kami at isinusumbong kami sa mga pulis, namumuhi ako sa kanila, at may mga naiisip ako gaya ng “darating ang araw na parurusahan kayo ng Diyos.”) Obhetibo naman ang kasong iyan. Inatake ka, nagdusa ka, nasaktan ka, ganap na niyurakan ang iyong personal na integridad at respeto sa sarili—sa gayong mga sitwasyon, ang karamihan ng tao ay mahihirapang malampasan iyan. (Nagpapakalat ng mga walang batayang tsismis online ang ibang tao tungkol sa ating iglesia, marami silang ginagawang paratang, at talagang nagagalit ako kapag nababasa ko ang mga ito, at may matinding pagkamuhi sa puso ko.) Ito ba ay pagiging malupit, o pagiging mainitin ang ulo, o normal na pagkatao? (Ito ay normal na pagkatao. Ang hindi pagkamuhi sa mga demonyo at sa mga kaaway ng Diyos ay hindi normal na pagkatao.) Tama iyan. Ito ang pagbubunyag, pagpapamalas, at pagtugon ng normal na pagkatao. Kung hindi kinamumuhian ng mga tao ang mga negatibong bagay o hindi minamahal ang mga positibong bagay, kung wala silang pamantayan ng konsensiya, hindi sila mga tao. Sa mga sitwasyong ito, ano-anong pagkilos ang puwedeng gawin ng isang tao na maaaring maging isang malupit na disposisyon? Kung ang pagkamuhi at pagkasuklam na ito ay magiging isang uri ng pag-uugali, kung ganap kang mawawalan ng katwiran, at kung lumampas na sa pinakasaligang prinsipyo ng pagkatao ang iyong mga kilos, kung may tendensiya ka pang makapatay at makalabag ng batas, ito ay pagiging malupit, ito ay pagkilos nang mainit ang ulo. Kapag nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kaya nilang kumilatis ng masasamang tao, at namumuhi sila sa kabuktutan, ito ay normal na pagkatao. Pero kung hinaharap ng mga tao ang mga bagay-bagay nang mainit ang kanilang ulo, kumikilos sila nang walang mga prinsipyo. Naiiba ba ito sa paggawa ng kasamaan? (Oo.) Mayroong pagkakaiba. Kung ang isang tao ay labis na di-mabuti, labis na malupit, labis na masama, labis na imoral, at nakadarama ka ng matinding pagkasuklam sa kanya, at umaabot ang pagkasuklam na ito sa puntong hinihiling mo sa Diyos na isumpa ang taong ito, ayos lang ito. Pero ayos lang ba kung hindi kumilos ang Diyos matapos mong magdasal nang dalawa o tatlong beses at ikaw na mismo ang gumawa ng aksyon? (Hindi.) Puwede kang magdasal sa Diyos at magpahayag ng iyong mga pananaw at opinyon, at pagkatapos ay maghanap ng mga katotohanang prinsipyo, upang magawa mong harapin nang tama ang mga bagay-bagay. Pero hindi ka dapat gumiit sa Diyos o subukang pilitin ang Diyos na maghiganti para sa iyo, lalong hindi mo dapat hayaan na makagawa ka ng mga hangal na bagay dahil sa pagkamainitin ng iyong ulo. Dapat mong harapin ang usapin nang makatwiran. Dapat kang maging mapagpasensiya, hintayin mo ang oras ng Diyos, at mas gumugol ka pa ng oras sa pananalangin sa Diyos. Tingnan mo kung paano kumilos nang may karunungan ang Diyos tungo kay Satanas at sa mga diyablo, at sa ganitong paraan, maaari kang maging mapagpasensiya. Ang pagiging makatwiran ay nangangahulugan na ipagkatiwala ang lahat ng ito sa Diyos at hayaan ang Diyos na kumilos. Ito ang dapat gawin ng isang nilikha. Huwag kang kumilos nang dahil sa pagkamainitin ng ulo. Ang pagkilos nang dahil sa pagkamainitin ng ulo ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos, ito ay kinokondena ng Diyos. Sa gayong mga pagkakataon, ang disposisyong nabubunyag sa mga tao ay hindi kahinaan ng tao o galit na lilipas din, kundi ito ay isang malupit na disposisyon. Sa sandaling matukoy na ito ay isang malupit na disposisyon, nasa panganib ka, at malamang na hindi ka maligtas. Iyan ay dahil kapag may malulupit na disposisyon ang mga tao, malamang na kumilos sila nang labag sa konsensiya at katwiran, at talagang malamang na labagin nila ang batas, at labagin ang mga atas administratibo ng Diyos. Kaya, paano ito maiiwasan? Sa pinakamababa, mayroong di-matatawarang tatlong hangganan na hindi dapat lampasan: Ang una ay ang hindi paggawa ng mga bagay na labag sa konsensiya at katwiran, ang ikalawa ay ang hindi paglabag sa batas, at ang ikatlo ay ang hindi paglabag sa mga atas administratibo ng Diyos. Kasali rito ang hindi paggawa ng anumang bagay na sukdulan o anumang bagay na makagugulo sa gawain ng iglesia. Kung susundin ninyo ang mga prinsipyong ito, kahit papaano ay matitiyak na ligtas kayo, at hindi kayo ititiwalag. Kung malupit kayong lalaban kapag pinupungusan kayo dahil gumawa kayo ng lahat ng uri ng kasamaan, mas mapanganib pa iyan. Malamang ay direkta ninyong masalungat ang disposisyon ng Diyos at mapaalis o mapatalsik kayo sa iglesia. Ang parusa sa pagsalungat sa disposisyon ng Diyos ay higit na mas matindi kaysa sa paglabag sa batas—isa itong kapalarang mas masaklap pa kaysa sa kamatayan. Ang pinakamatinding kahihinatnan ng paglabag sa batas ay ang masentensyahan ng pagkakulong; ilang taon kayong maghihirap at pagkatapos ay malaya na kayo, iyon na iyon. Pero kung sasalungatin ninyo ang disposisyon ng Diyos, magdurusa kayo ng walang hanggang kaparusahan. Kaya, kung walang pagkamakatwiran ang mga taong may malulupit na disposisyon, labis silang nasa panganib, malamang ay makagawa sila ng kasamaan, at tiyak na sila ay mahaharap sa kaparusahan at ganting parusa. Kung may kaunting pagkamakatwiran ang mga tao, kung kaya nilang hanapin ang katotohanan at magpasakop dito, at kaya nilang umiwas sa paggawa ng labis na kasamaan, ganap silang may pag-asang maligtas. Napakahalaga para sa isang tao na magkaroon ng pagkamakatwiran at katwiran. Malamang na tatanggapin ng isang makatwirang tao ang katotohanan at haharapin niya nang tama ang pagpupungos. Ang isang taong walang katwiran ay nanganganib kapag pinungusan siya. Ipagpalagay, halimbawa, na galit na galit ang isang tao matapos siyang pungusan ng isang lider. Gusto niyang magpakalat ng mga tsismis at atakihin ang lider, pero hindi siya nangangahas dahil takot siyang magsanhi ng gulo. Subalit, umiiral na ang gayong disposisyon sa puso niya, at mahirap sabihin kung gagawin nga niya ito o hindi. Hangga’t nasa puso ng isang tao ang ganitong uri ng disposisyon, hangga’t umiiral ang mga kaisipang ito, bagama’t maaaring hindi niya talaga ito gawin, nasa panganib na siya. Kapag tinutulutan ng sitwasyon—kapag nagkaroon siya ng pagkakataon—baka gawin nga niya ito. Hangga’t umiiral ang kanyang malupit na disposisyon, kung hindi ito malulutas, sa malao’t madali ay gagawa ng kasamaan ang taong ito. Kaya, ano-ano pang ibang sitwasyon ang naroroon kung saan nabubunyag ang malupit na disposisyon ng isang tao? Sabihin ninyo sa Akin. (Naging pabasta-basta ako sa aking tungkulin at hindi ako nagtamo ng anumang resulta, at pagkatapos ay tinanggal ako ng lider nang ayon sa mga prinsipyo, at medyo nakaramdam ako ng paglaban. Pagkatapos, nang makita ko na nagbunyag siya ng isang tiwaling disposisyon, naisip kong sumulat ng liham para isumbong siya.) Bigla na lang bang lumilitaw ang ideyang ito? Hinding-hindi. Ibinunga ito ng iyong kalikasan. Sa malao’t madali, nabubunyag ang mga bagay na nasa mga kalikasan ng mga tao, hindi masasabi kung sa anong sitwasyon o konteksto mabubunyag at magagawa ang mga ito. Kung minsan ay walang ginagawa ang mga tao, pero iyon ay dahil hindi tinutulutan ng sitwasyon. Subalit, kung siya ay isang taong hinahangad ang katotohanan, magagawa niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito. Kung hindi siya isang taong hinahangad ang katotohanan, gagawin niya ang gusto niya, at sa sandaling tulutan na ng sitwasyon, gagawa siya ng kasamaan. Kaya, kung hindi malulutas ang isang tiwaling disposisyon, malamang talaga na malalagay sa gulo ang mga tao, kung magkaganito ay kakailanganin nilang anihin ang kanilang itinanim. Hindi hinahangad ng ilang tao ang katotohanan at palagi silang pabasta-basta sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Hindi nila tinatanggap kapag pinupungusan sila, hindi sila kailanman nagsisisi, at kalaunan ay ibinubukod sila para makapagnilay sila. Pinaaalis sa iglesia ang ilang tao dahil palagi nilang ginugulo ang buhay iglesia at nagiging mga bulok na mansanas na sila; at pinapatalsik ang ilang tao dahil gumagawa sila ng lahat ng uri ng kasamaan. Kaya, anumang klase ng tao siya, kung madalas na naghahayag ng tiwaling disposisyon ang isang tao at hindi niya hinahanap ang katotohanan para lutasin ito, malamang na makagawa siya ng masama. Ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan ay hindi lamang binubuo ng pagiging mapagmataas, kundi pati ng kabuktutan at kalupitan. Ang pagiging mapagmataas at ang pagiging malupit ay mga karaniwang salik lamang.
Kaya, paano dapat lutasin ang problemang ito ng pagbubunyag ng isang malupit na disposisyon? Dapat kilalanin ng mga tao kung ano ang kanilang tiwaling disposisyon. Ang disposisyon ng ilang tao ay partikular na malupit, mapaminsala, at mapagmataas, at sila ay ganap na walang prinsipyo. Ito ang kalikasan ng masasamang tao, at ang mga taong ito ang pinakamapanganib sa lahat. Kapag may kapangyarihan ang mga gayong tao, may kapangyarihan ang mga diyablo, may kapangyarihan ang mga Satanas. Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng masamang tao ay ibinubunyag at itinitiwalag dahil sa paggawa nila ng lahat ng uri ng masamang gawa. Kapag sinubukan mong ibahagi ang katotohanan sa masasamang tao, o pungusan sila, malaki ang tsansa na aatakihin ka nila, o huhusgahan ka nila, o na paghihigantihan ka pa nga nila, na pawang bunga ng pagiging napakamapaminsala ng kanilang mga disposisyon. Ang totoo ay napakakaraniwan nito. Halimbawa, maaaring may dalawang taong labis na nagkakasundo, na labis na mapagsaalang-alang at maunawain sa isa’t isa—pero sa huli ay hindi sila nagkakasundo sa isang bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, at pinuputol nila ang ugnayan nila sa isa’t isa. Ang ilang tao ay nagiging magkaaway pa nga at sinusubukang maghiganti sa isa’t isa. Lahat sila ay lubhang malupit. Pagdating sa paggawa ng mga tao ng kanilang tungkulin, napansin ba ninyo kung alin sa mga napamamalas at nabubunyag sa kanila ang napapaloob sa isang malupit na disposisyon? Tiyak na umiiral ang mga bagay na ito, at kailangan ninyong bunutin ang mga ito. Matutulungan kayo nito na makilatis at makilala ang mga bagay na ito. Kung hindi ninyo alam kung paano bunutin at kilatisin ang mga ito, hindi kayo kailanman makakakilatis ng masasamang tao. Matapos na malihis ng mga anticristo at mapasailalim sa kanilang kontrol, napipinsala ang buhay ng ilang tao, at saka lang nila nalalaman kung ano ba ang isang anticristo, at kung ano ba ang isang malupit na disposisyon. Masyadong mababaw ang inyong pagkaunawa sa katotohanan. Ang inyong pagkaunawa sa karamihan ng mga katotohanan ay hanggang sa nabibigkas o nasusulat na antas lamang, o mga salita at doktrina lang ang nauunawaan ninyo, at hinding-hindi tumutugma ang mga ito sa realidad. Matapos makarinig ng maraming sermon, tila mayroong pagkaunawa at kaliwanagan sa inyong puso; pero kapag nahaharap sa realidad, hindi pa rin ninyo makilatis kung ano ba talaga ang mga bagay-bagay. Alam ninyong lahat sa teorya kung ano ang mga pagpapamalas ng isang anticristo, pero kapag nasilayan na ninyo ang isang tunay na anticristo, hindi ninyo siya makilatis bilang isang anticristo. Ito ay dahil masyado pang kakaunti ang inyong karanasan. Kapag mas marami na ang iyong karanasan, kapag sapat ka nang napinsala ng mga anticristo, tunay mo nang makikilatis kung ano ba talaga sila. Sa kasalukuyan, bagama’t karamihan ng tao ay masinsinang nakikinig sa mga sermon sa mga pagtitipon, at nais nilang pagsikapan ang katotohanan, sa sandaling marinig na nila ang sermon, ang literal na kahulugan lamang ang nauunawaan nila, hindi nila malagpasan ang teoretikal na antas, at hindi nila magawang maranasan ang aspekto na ang katotohanang realidad. Kaya, napakababaw lang ng kanilang pagpasok sa katotohanang realidad, na nangangahulugang wala silang pagkilatis sa masasamang tao at sa mga anticristo. Ang mga anticristo ay mayroong diwa ng masasamang tao, pero maliban sa mga anticristo at masasamang tao, hindi ba’t may malulupit na disposisyon ang ibang tao? Ang totoo, walang tao ang maaaring guluhin nang basta-basta. Kapag walang problema, puro sila nakangiti, pero kapag nahaharap sila sa isang bagay na nakapipinsala sa sarili nilang mga interes, sumasama ang ugali nila. Isa itong malupit na disposisyon. Ang malupit na disposisyong ito ay maaaring mabunyag anumang oras; hindi ito kontrolado. Kaya ano ba mismo ang nangyayari dito? Isa ba itong usapin ng pagiging sinasaniban ng masasamang espiritu? Isa ba itong usapin ng reinkarnasyon mula sa isang masamang demonyo? Kung ito ay alinman sa dalawang ito, taglay ng taong iyon ang diwa ng isang masamang tao at hindi na siya matutulungan pa. Kung ang diwa niya ay hindi sa isang masamang tao, at ang taglay lamang niya ay ang tiwaling disposisyong ito, hindi pa nakamamatay ang kondisyon niya, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa siyang pag-asang maligtas. Kaya paano malulutas ang isang malupit at tiwaling disposisyon? Una, kailangan mong madalas na manalangin kapag nahaharap ka sa mga usapin at pagnilayan mo ang mga motibasyon at pagnanais mo. Kailangan mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos at kontrolin ang iyong pag-uugali. Bukod pa roon, kailangan ay hindi ka magbunyag ng anumang masamang salita o pag-uugali. Kung matanto ng isang tao na siya ay may mga maling intensyon at may malisya sa kanyang puso, na gusto niyang gumawa ng masasamang bagay, kailangan niyang hanapin ang katotohanan para lutasin ito, kailangan niyang hanapin ang mga nauugnay na salita ng Diyos upang maunawaan at malutas ang usaping ito, kailangan niyang manalangin sa Diyos, hingin ang proteksyon ng Diyos, sumumpa sa Diyos, at kailangan niyang isumpa ang kanyang sarili kapag hindi niya tinatanggap ang katotohanan at kapag gumagawa siya ng kasamaan. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos sa ganitong paraan ay nagbibigay ng proteksyon at pinipigilan ang isang tao na gumawa ng kasamaan. Kung may nangyari sa isang tao at lumitaw ang masasamang intensyon, pero hindi niya ito pinansin, at hinayaan lang niyang mangyari ang mga bagay-bagay, o ipinagpalagay niya na ganito siya dapat kumilos, isa siyang masamang tao, at hindi siya isang taong tapat na nananampalataya sa Diyos at nagmamahal sa katotohanan. Gusto pa rin ng gayong tao na manampalataya sa Diyos at sumunod sa Diyos, at na mapagpala at makapasok sa kaharian ng langit—posible ba iyon? Nananaginip siya nang gising. Ang ikalimang uri ng disposisyon ay ang pagiging malupit. Isa rin itong isyung may kinalaman sa mga tiwaling disposisyon, at dito na nagtatapos ang paksang ito.
Dapat ka ring maging pamilyar sa ikaanim na uri ng tiwaling disposisyon: ang kabuktutan. Magsimula tayo sa kapag nangangaral ng ebanghelyo ang mga tao. Nagbubunyag ang ilang tao ng buktot na disposisyon kapag nangangaral sila ng ebanghelyo. Hindi sila nangangaral ayon sa prinsipyo, at hindi rin nila alam kung anong uri ng mga tao ang nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng pagkatao; naghahanap lang sila ng isang miyembro ng kasalungat na kasarian na katugma nila, na gusto nila at nakakasundo nila. Hindi sila nangangaral sa mga taong hindi nila gusto o na hindi nila nakakasundo. Hindi mahalaga kung nakaayon ang isang tao sa mga prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo—kung interesado sila sa taong ito, hindi nila ito susukuan. Maaaring sabihin sa kanila ng ibang tao na ang taong iyon ay hindi angkop sa mga prinsipyo ng pangangaral ng ebanghelyo, pero ipipilit pa rin nilang mangaral sa taong ito. May disposisyon sa loob nila na kumokontrol sa kanilang mga kilos, na nagtutulak sa kanilang bigyang-kasiyahan ang mahahalay nilang pagnanasa at kamtin ang sarili nilang mga pakay habang nagpapanggap na ipinangangaral ang ebanghelyo. Ito ay walang iba kundi isang buktot na disposisyon. Mayroon pa ngang mga taong alam na alam na mali ang ginagawa nilang ito, at na ang paggawa nito ay pagsalungat sa Diyos at paglabag sa Kanyang mga atas administratibo—pero hindi sila tumitigil. Isa itong uri ng disposisyon, hindi ba? (Oo.) Isa ito sa mga pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon, pero hindi lamang ang mga pagbubunyag ng mahahalay na pagnanasa ang dapat na ilarawan bilang buktot; ang saklaw ng kabuktutan ay mas malawak kaysa sa pagnanasa lamang ng laman. Pag-isipan ninyo: Ano-ano pa ang ibang pagpapamalas ng isang buktot na disposisyon? Dahil isa itong disposisyon, higit ito sa isang paraan lang ng pagkilos, napapaloob dito ang maraming iba’t ibang kalagayan, pagpapamalas, at pagbubunyag, iyon ang naglalarawan dito bilang isang disposisyon. (Ang pagsunod sa mga makamundong kalakaran, ang hindi pagbitiw sa mga bagay na may kinalaman sa mga kalakaran ng mundo.) Ang hindi pagbitiw sa mga buktot na kalakaran ay isang uri. Ang pagkatali sa mga buktot na kalakaran ng mundo, ang paghahabol sa mga ito, ang pagiging abala sa mga ito, ang marubdob na paghahangad sa mga ito. May ilang taong hindi kailanman binibitiwan ang mga bagay na ito paano man pagbahaginan ang katotohanan, paano man sila pungusan; umaabot pa nga ito sa punto ng pagkahumaling. Ito ay kabuktutan. Kaya, kapag sinusunod ng mga tao ang mga buktot na kalakaran, anong mga pagpapamalas ang nagpapahiwatig na mayroon silang buktot na disposisyon? Bakit nila minamahal ang mga bagay na ito? Ano ang mayroon sa mga buktot na makamundong kalakarang ito na nagbibigay sa kanila ng sikolohikal na kasiyahan, na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, at tumutugon sa kanilang mga hilig at pagnanais? Ipagpalagay, halimbawa, na mahilig sila sa mga artista sa pelikula: Anong mayroon sa mga artistang ito na pumupukaw sa pagkahumaling na ito at nagsasanhi sa kanilang pagsunod sa mga ito? Ito ay ang gilas, dating, hitsura, at kasikatan ng mga taong ito, pati na ang uri ng marangyang buhay na inaasam nila. Ang lahat ng bagay na ito na sinusundan nila—lahat ba ng ito ay buktot? (Oo.) Bakit sinasabi na buktot ang mga ito? (Dahil taliwas ang mga ito sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at hindi nakaayon ang mga ito sa hinihingi ng Diyos.) Ito ay doktrina. Subukan ninyong suriin ang mga sikat na tao at mga artistang ito: ang kanilang pamumuhay, ang kanilang pag-uugali, maging ang pampublikong katauhan at mga kasuotan na labis na sinasamba ng lahat. Bakit sila ganoon mamuhay? At bakit nila nahihimok ang iba na sumunod sa kanila? Matindi nilang pinagsisikapan ang lahat ng ito. Mayroon silang mga makeup artist at personal stylist para malikha ang imahe nilang ito. Kaya ano ang pakay nila sa paglikha ng imahe nilang ito? Ang maakit ang mga tao, malihis ang mga ito, ang mapasunod ang mga ito—at ang makinabang mula rito. Kaya, sinasamba man ng mga tao ang kasikatan, o hitsura, o pamumuhay ng mga artistang ito, talagang hangal at katawa-tawang pagkilos ang mga ito. Kung may taglay na pagkamakatwiran ang isang tao, paanong sasambahin niya ang mga diyablo? Ang mga diyablo ay mga bagay na nanlilihis, nanlalansi, at nagpapahamak sa mga tao. Hindi nananampalataya sa Diyos ang mga diyablo at wala silang anumang pagtanggap sa katotohanan. Ang lahat ng diyablo ay sumusunod kay Satanas. Ano-ano ang mga layon ng mga sumusunod at sumasamba sa mga diyablo at kay Satanas? Nais nilang tularan ang mga diyablong ito, na gawin nilang huwaran ang mga ito, sa pag-aasam na isang araw ay magiging diyablo sila, kasingganda at kasingseksi ng mga diyablo at sikat na taong ito. Nais nilang matamasa ang gayong pakiramdam. Sinumang sikat o tinitingalang tao ang sinasamba ng isang tao, iisa lang ang pinakalayon niya—ang manlihis ng mga tao, ang mang-akit ng mga tao, at ang mapasamba at mapasunod niya ang mga tao. Hindi ba’t ito ay isang buktot na disposisyon? Isa itong buktot na disposisyon, at napakalinaw nito.
Ang mga buktot na disposisyon ay naipamamalas din sa isa pang paraan. Nakikita ng ilang tao na ang mga pagtitipon sa sambahayan ng Diyos ay laging kinapapalooban ng pagbabasa ng salita ng Diyos, pagbabahaginan sa katotohanan, at mga pagtalakay tungkol sa pagkakilala sa sarili, sa wastong pagganap ng tungkulin, kung paano kumilos nang ayon sa mga prinsipyo, kung paano matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung paano maunawaan at isagawa ang katotohanan, at iba pang mga aspekto ng katotohanan. Matapos makinig sa loob ng maraming taon, nagsimula silang higit na mayamot habang mas nakikinig sila, at nagsimula silang magreklamo, sinasabi nila, “Hindi ba’t ang pakay ng pananalig sa diyos ay ang magkamit ng mga pagpapala? Bakit natin laging pinag-uusapan ang katotohanan at pinagbabahaginan ang salita ng diyos? Wala ba itong katapusan? Sawang-sawa na ako rito!” Pero ayaw nilang bumalik sa sekular na mundo. Iniisip nila, “Sobrang nakakabagot ang manalig sa diyos, nakakainip ito—paano ko ito gagawing mas interesante nang kaunti? Kailangan kong makahanap ng isang bagay na interesante,” kaya nagtatanong-tanong sila, “Ilan ang nananampalataya sa diyos sa iglesia? Ilan ang mga lider at manggagawa? Ilan na ang natanggal? Ilan ang kabataang estudyanteng nasa unibersidad at ang mga nagtapos na sa pag-aaral? May nakakaalam ba ng bilang?” Itinuturing nila ang mga bagay na ito at ang impormasyong ito bilang ang katotohanan. Anong disposisyon ito? Ito ay kabuktutan, karaniwang tinatawag na “pagiging ubod ng sama.” Napakarami na nilang narinig na katotohanan, pero wala ni isa sa mga ito ang pumukaw ng sapat na atensyon o pagtuon mula sa kanila. Sa sandaling may tsismis o panloob na balita ang isang tao, agad silang nagkakainteres, takot silang mapalagpas ito. Ito ay pagiging ubod ng sama, hindi ba? (Oo.) Ano ang katangian ng ubod ng samang mga tao? Wala sila ni katiting na interes sa katotohanan. Interesado lamang sila sa mga panlabas na usapin, at walang kapaguran at buong kasakiman silang naghahanap ng tsismis at mga bagay na walang kinalaman sa kanilang buhay pagpasok o sa katotohanan. Inaakala nila na ang pag-alam sa bagay na ito, sa lahat ng impormasyong ito, at paglalagay ng lahat ng ito sa isip nila, ay nangangahulugan na taglay nila ang katotohanang realidad, na tunay ngang miyembro sila ng sambahayan ng Diyos, na tiyak silang sasang-ayunan ng Diyos at na makapapasok sila sa kaharian ng Diyos. Sa tingin ba ninyo ay ganito nga talaga ang kaso? (Hindi.) Nakikilatis ninyo ang mga ito, pero maraming bagong mananampalataya sa Diyos ang hindi ito magawa. Nakatuon sila sa impormasyong ito, inaakala nila na ang pagkaalam sa mga bagay na ito ay ginagawa silang miyembro ng sambahayan ng Diyos—pero ang totoo, ang mga gayong tao ang pinakakinasusuklaman ng Diyos, sila ang pinakabanidoso, pinakamababaw, at pinakamangmang sa lahat ng tao. Nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw upang gawin ang gawain ng paghatol at pagdadalisay sa mga tao, na ang epekto ay ang ibigay sa mga tao ang katotohanan bilang buhay. Pero kung hindi nakatuon ang mga tao sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at palagi nilang sinusubukang maghanap ng tsismis at mas alamin pa ang mga usapin sa loob ng iglesia, hinahangad ba nila ang katotohanan? Sila ba ay mga taong gumagawa ng wastong gawain? Para sa Akin, sila ay mga buktot na tao. Sila ay mga hindi mananampalataya. Ang mga ganitong tao ay matatawag ding ubod ng sama. Lagi lamang silang nakatuon sa sabi-sabi. Binibigyang-kasiyahan nito ang kanilang kuryosidad, pero kinasusuklaman sila ng Diyos. Hindi sila mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos, lalong hindi sila mga taong naghahangad sa katotohanan. Sila ay mga alipin lang ni Satanas, na dumarating upang guluhin ang gawain ng iglesia. Bukod pa riyan, ang mga taong laging sinusuri at sinisiyasat ang Diyos ay mga alipin at mga alipores ng malaking pulang dragon. Ang mga taong ito ang pinakakinamumuhian at pinakakinasusuklaman ng Diyos sa lahat. Kung nananampalataya ka sa Diyos, bakit hindi ka nagtitiwala sa Diyos? Kapag sinusuri at sinisiyasat mo ang Diyos, hinahanap mo ba ang katotohanan? May anuman bang kaugnayan ang paghahanap sa katotohanan sa pamilyang nagsilang kay Cristo o sa kapaligirang kinalakhan Niya? Ang mga taong laging nagbubusisi sa Diyos—hindi ba’t kasuklam-suklam sila? Kung palagi kang may mga kuru-kuro tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pagkatao ni Cristo, dapat kang gumugol ng mas marami pang oras sa paghahangad na maunawaan ang mga salita ng Diyos; kapag naunawaan mo ang katotohanan saka mo lamang magagawang lutasin ang problema ng iyong mga kuru-kuro. Makikilala mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng pagsusuri sa pinagmulang pamilya ni Cristo o sa mga sitwasyon ng Kanyang kapanganakan? Bibigyang-daan ka ba nito na matuklasan ang pagka-Diyos na diwa ni Cristo? Hinding-hindi. Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iginugugol ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, ito lang ang makatutulong na malaman ang pagka-Diyos na diwa ni Cristo. Pero bakit palaging gumagawa ng mga bagay na ubod ng sama ang mga taong palaging sinisiyasat ang Diyos? Ang mga mala-basurang taong ito na walang espirituwal na pang-unawa ay dapat na magmadaling umalis sa sambahayan ng Diyos! Napakaraming katotohanan na ang naipahayag, napakarami nang napagbahaginan sa mga pagtitipon at mga sermon—bakit kailangan mo pa ring siyasatin ang Diyos? Ano ang ibig sabihin kapag palagi mong sinisiyasat ang Diyos? Na ikaw ay napakabuktot! Bukod pa riyan, may mga nag-aakala pa nga na ang pagkatuto sa lahat ng di-importanteng impormasyong ito ay nagbibigay sa kanila ng kapital, at lumilibot sila para ipagmalaki ito sa mga tao. At ano ang nangyayari sa huli? Sila ay kinapopootan at kinasusuklaman ng Diyos. Mga tao pa ba sila? Hindi ba’t mga nabubuhay na demonyo sila? Paano sila naging mga taong nananampalataya sa Diyos? Ang lahat ng kanilang kaisipan ay iginugugol nila sa landas ng kabuktutan at pagiging baliko. Para bang inaakala nila na kapag mas marami silang alam na sabi-sabi, mas nagiging miyembro sila ng sambahayan ng Diyos, at mas nauunawaan nila ang katotohanan. Ang mga ganitong tao ay lubos na katawa-tawa. Sa sambahayan ng Diyos, wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa kanila.
Ang ilang tao ay palaging nakatuon sa mga hindi makatotohanang bagay sa kanilang pananalig. Halimbawa, ang ilang tao ay palaging sinusuri kung ano ba ang hitsura ng kaharian, kung nasaan ba ang ikatlong langit, kung ano ba ang hitsura ng Hades, at kung nasaan ba ang impiyerno. Palagi nilang sinusuri ang mga misteryo sa halip na pagtuunan ang buhay pagpasok. Ito ay pagiging ubod ng sama, ito ay kabuktutan. Gaano man karaming sermon at pagbabahaginan ang marinig nila, mayroon pa ring mga tao na hindi nauunawaan kung ano ba talaga ang katotohanan, at wala rin silang kamalayan sa kung paano nila ito dapat isagawa. Tuwing may oras sila, sinusuri nila ang salita ng Diyos, hinihimay ang pagkakalahad ng mga salita, naghahanap ng kung anong uri ng sensasyon, at palagi rin nilang sinisiyasat kung natupad na ba ang mga salita ng Diyos. Kung natupad na ang mga ito, naniniwala sila na gawain ito ng Diyos, at kung hindi pa, itinatanggi nila na gawain ito ng Diyos. Hindi ba’t katawa-tawa sila? Hindi ba’t ito ay pagiging ubod ng sama? Kaya ba laging makita ng mga tao kung natupad na ang mga salita ng Diyos? Hindi laging kayang makita ng mga tao kung natupad na ang ilan sa mga salita ng Diyos. Ang ilan sa Kanyang mga salita, para sa mga tao, ay tila hindi pa natutupad, pero para sa Diyos ay natupad na ang mga ito. Walang paraan ang mga tao para malinaw na makita ang mga ito; masuwerte na sila kung kaya nilang maarok ang kahit man lang 20 porsiyento nito. Ang ilang tao ay ginugugol ang buong oras nila sa pag-aaral ng salita ng Diyos pero hindi nila binibigyang-pansin ang pagsasagawa sa katotohanan o ang pagpasok sa realidad. Hindi ba’t pagpapabaya ito sa mga marapat na tungkulin ng isang tao? Napakarami na nilang narinig na katotohanan pero hindi pa rin nila nauunawaan ang mga ito, at palagi silang naghahanap ng katunayan na natupad na ang mga propesiya, itinuturing nila ito na kanilang buhay at motibasyon. Halimbawa, kapag nananalangin ang ilang tao, sinasabi nila ang mga bagay na gaya ng, “O Diyos, kung nais mong gawin ko ito, tulutan mong magising ako nang alas-sais ng umaga bukas; kung hindi naman, hayaan mo akong matulog hanggang alas-siyete.” Madalas ay ganito sila kumilos, ginagamit nila ito bilang kanilang prinsipyo, isinasagawa ito na para bang ito ang katotohanan. Pagiging ubod ng sama ang tawag dito. Sa kanilang mga kilos ay palagi silang nakabatay sa damdamin, nakatuon sa mahiwaga, nakabatay sa sabi-sabi, at sa iba pang hindi makatotohanang mga bagay; palagi nilang itinutuon ang kanilang lakas sa mga bagay na ubod ng sama. Ito ay kabuktutan. Paano ka man makipagbahaginan ng katotohanan sa kanila, iniisip nila na walang silbi ang katotohanan, at na hindi ito kasingtumpak ng pagbatay sa damdamin o kumpirmasyon sa pamamagitan ng paghahambing. Ito ay pagiging ubod ng sama. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa kapalaran ng mga tao, at kahit na sinasabi nilang kinikilala nila na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, sa puso nila ay hindi pa rin nila tinatanggap ang katotohanan, hindi nila kailanman kinikilatis ang mga bagay-bagay gamit ang mga salita ng Diyos. Kung may sasabihin ang isang tanyag na tao, maniniwala silang katotohanan ito, at susundin nila ito. Kung sasabihin sa kanila ng isang manghuhula o mambabasa ng mukha na sa susunod na taon ay itataas sila ng ranggo bilang isang tagapamahala, paniniwalaan nila ito. Hindi ba’t ito ay pagiging ubod ng sama? Naniniwala lamang sila sa panghuhula at sa mga mahiwagang bagay, at sa mga bagay na ito lang na ubod ng sama. Kagaya lang ito ng kung paanong sinasabi ng ilang tao, “Nauunawaan ko ang lahat ng katotohanan, pero hindi ko lang talaga maisagawa ang mga ito. Hindi ko alam kung ano ang problema.” Ngayon ay may kasagutan na tayo sa tanong na ito: Ubod sila ng sama. Hindi mahalaga kung paano mo ibahagi ang katotohanan sa gayong mga tao, hindi nila ito matatalos, at wala ka ring makikitang anumang epekto. Ang mga taong ito ay hindi lamang tutol sa katotohanan, kundi taglay rin nila ang isang buktot na disposisyon. Ano ang pinakamahalagang pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan? Iyon ay na nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, pero hindi niya ito isinasagawa. Ayaw niya itong marinig, nilalabanan niya ito at sumasama ang loob niya rito. Alam niyang tama at mabuti ang katotohanan, pero hindi niya ito isinasagawa, ayaw niyang tahakin ang landas na ito, at ayaw niya ring magdusa o magbayad ng halaga, lalo na ang mawalan ng anuman. Hindi ganito ang mga buktot na tao. Inaakala nila na ang mga buktot na bagay ay ang katotohanan, na iyon ang tamang daan, at hinahabol nila ang mga ito, at sinusubukang tularan ang mga ito, at palagi nilang itinutuon ang kanilang lakas sa mga ito. Madalas na pinagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos ang mga prinsipyo ng panalangin: Maaaring manalangin ang mga tao kailanman o saanman nila gusto, nang walang mga limitasyon sa oras, kailangan lang nilang lumapit sa harapan ng Diyos, sabihin ang mga salitang nasa puso nila, at hanapin ang katotohanan. Dapat ay madalas na marinig ang mga salitang ito at dapat ay madaling maunawaan ang mga ito, pero paano ito isinasagawa ng mga buktot na tao? Tuwing umaga sa pagbubukang-liwayway, hindi sila nabibigo na humarap sa timog, lumuluhod, at inilalapat sa lupa ang dalawang kamay, nagpapatirapa sa pagdarasal sa harap ng Diyos hangga’t kaya nila. Iniisip nila na sa gayong mga oras lamang maririnig ng Diyos ang kanilang panalangin, dahil ito ang oras kung kailan hindi abala ang Diyos, may oras Siya, kaya nakikinig Siya. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t buktot ito? Mayroong iba na nagsasabing ang pinakaepektibong oras para manalangin ay ala-una o alas-dos ng madaling-araw, kung kailan tahimik ang lahat. Bakit nila ito sinasabi? Sila rin ay mayroong sarili nilang mga dahilan. Sinasabi nila na sa ganoong oras ay tulog na ang lahat; may panahon lang ang Diyos na asikasuhin ang mga usapin nila kapag hindi Siya abala. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t buktot ito? Paano ka man makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan, tumatanggi silang tanggapin ito. Sila ang pinakakatawa-tawang tao at hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan. May ibang nagsasabi, “Kapag nananampalataya sa diyos ang mga tao, kailangan ay gumawa sila ng mabubuting bagay at maging mabait, at kailangan ay hindi sila pumatay o kumain ng karne. Ang pagkain ng karne ay pagpatay, pagkakasala, at ayaw ng diyos sa mga taong gumagawa nito.” May anumang batayan ba ang mga salitang ito? May ganito bang sinabi ang Diyos kailanman? (Wala.) Kaya, sino ang nagsabi nito? Sinabi ito ng isang walang pananampalataya, ng isang katawa-tawang tao. Ang totoo, ang mga taong nagsasabi nito ay hindi naman laging hindi kumakain ng karne—o maaaring hindi nila ito kinakain sa harap ng ibang tao, pero kapag walang ibang tao ay malakas silang kumain nito. Napakagaling ng mga taong ito sa pagpapanggap, at sa pagpapakalat ng mga maling kaisipan saanman sila magpunta. Ito ay kabuktutan. Ubod ng sama ang gayong mga tao. Itinuturing nila ang mga maling pananampalataya at maling kaisipang ito bilang mga kautusan at regulasyon, at isinasagawa at pinanghahawakan pa nga nila ang mga ito na para bang ang mga ito ang katotohanan, o mga hinihingi ng Diyos, at masigla at walang kahihiyan nilang tinuturuan ang iba na gawin din ito. Bakit Ko sinasabing ang pamamaraan ng mga taong ito ng paggawa ng mga bagay-bagay, ang paraan nila ng pagsasabi ng mga bagay-bagay, at ang paraan nila ng paghahangad, ay buktot? (Dahil walang koneksiyon ang mga ito sa katotohanan.) Kung gayon, buktot ba ang anumang walang kaugnayan sa katotohanan? Malaki ang problema sa gayong pagkaunawa. May mga bagay sa mga pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao na walang kaugnayan sa katotohanan. Hindi ba’t pagbabaluktot ng mga katunayan ang sabihing buktot ang mga ito? Ang hindi kinokondena ng Diyos ay hindi masasabing buktot, ang kinokondena lang ng Diyos ang mailalarawan bilang buktot. Magiging malaking pagkakamali na ilarawan ang lahat ng walang kaugnayan sa katotohanan bilang buktot. Ang mga detalye ng mga kinakailangan sa buhay—halimbawa, ang pagkain, pagtulog, pag-inom, pagpapahinga—may kaugnayan ba ang mga ito sa katotohanan? Buktot ba ang mga ito? Ang lahat ng ito ay normal na pangangailangan, bahagi ang mga ito ng normal na takbo ng buhay ng mga tao, hindi buktot ang mga ito. Kaya bakit ikinaklasipika na buktot ang mga pagkilos na kasasabi Ko lang? Dahil ang mga paraang iyon ng paggawa ng mga bagay-bagay ay dinadala ang mga tao sa isang landas na mali at katawa-tawa—dinadala sila ng mga ito sa landas ng relihiyon. Ang pagsasagawa nila sa ganitong paraan at ang pagtuturo nila sa iba na kumilos nang ganito ay dinadala ang mga tao sa landas ng kabuktutan. Isa itong resultang hindi maiiwasan. Kapag sinasamba ng mga tao ang mga buktot na makamundong kalakaran at tinatahak nila ang landas ng kabuktutan, ano ang nangyayari sa kanila sa huli? Sila ay nagiging lubhang masama, nawawalan sila ng katwiran, wala silang kahihiyan, at sa huli, ganap silang natatangay ng mga kalakaran ng mundo, at tinatahak nila ang pagkawasak, hindi sila naiiba sa mga walang pananampalataya. Ang ilang tao ay hindi lamang itinuturing ang mga maling pananampalataya at maling kaisipang ito bilang mga regulasyong dapat sundin o mga kautusang dapat sundin, bagkus ay pinanghahawakan din nila ang mga ito bilang ang katotohanan. Ito ay isang katawa-tawang taong ganap na walang espirituwal na pang-unawa. Sa huli, maaari lamang siyang itiwalag. Makagagawa ba ang Banal na Espiritu sa sinumang napakabaluktot ang pagkaarok sa katotohanan? (Hindi.) Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa ganitong mga tao, sa kasong ito ay ang masasamang espiritu ang gumagawa, dahil ang landas na tinatahak ng mga taong ito ay ang landas ng kabuktutan, sila ay nagmamadaling tumatahak sa landas ng masasamang espiritu—na siya mismong kailangan ng masasamang espiritung ito. At ang resulta? Sinasaniban ng masasamang espiritu ang mga taong ito. Noon, sinabi Ko na, “Ang mga diyablo at si Satanas, na gaya ng mga leong umaatungal, umaaligid-aligid sa lahat ng dako, naghahanap ng mga taong masisila.” Kapag tinatahak ng mga tao ang baliko at buktot na landas, tiyak na susunggaban ng masasamang espiritu. Hindi na kinakailangan pang ibigay ka ng Diyos sa masasamang espiritu. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ka poprotektahan, at hindi mo makakasama ang Diyos. Hindi ka pagmamalasakitan ng Diyos kung hindi ka Niya makakamit, at sasamantalahin ng masasamang espiritu ang pagkakataong ito upang makapasok sa iyo at saniban ka. Ito ang kahihinatnan, hindi ba? Ang lahat ng tutol sa katotohanan at palaging kumokondena sa gawain ng pagkakatawang-tao ng Diyos, at ang mga sumusunod sa mga makamundong kalakaran, na tahasang binibigyan ng maling interpretasyon ang mga salita ng Diyos at ang Bibliya, ang mga nagpapakalat ng mga maling pananampalataya at maling kaisipan—ang lahat ng ginagawa nilang ito ay nagmumula sa mga buktot na disposisyon. Hinahangad ng ilang tao ang espirituwalidad, at dahil baluktot ang kanilang pagkaunawa, gumagawa sila ng maraming maling kaisipan para iligaw ang mga tao, at sila ay nagiging mga utopian at teorista, na siyang paggawa rin ng mga bagay na ubod ng sama. Sila ay mga buktot na tao. Gaya ng mga Pariseo, ang lahat ng ginawa nila ay pagpapaimbabaw, hindi nila isinagawa ang katotohanan at iniligaw nila ang mga tao para tingalain sila at sambahin sila ng mga ito. Nang magpakita ang Panginoong Jesus para gumawa, ipinako pa nga nila Siya sa krus. Ito ay buktot at sa huli, isinumpa sila ng Diyos. Sa kasalukuyan, hindi lamang hinuhusgahan at kinokondena ng relihiyosong mundo ang pagpapakita at gawain ng Diyos, kundi ang pinakakasuklam-suklam ay na pumapanig din ito sa malaking pulang dragon, umaanib sa mga buktot na puwersa sa pag-usig sa mga hinirang ng Diyos at tumatayo kasama nito bilang kaaway ng Diyos. Ito ay buktot. Ang mundo ng relihiyon ay hindi kailanman namuhi sa mga buktot na puwersa ni Satanas, hindi nito kinamumuhian ang kabuktutan ng bansa ng malaking pulang dragon, kundi sa halip ay ipinagdarasal at pinagpapala ang mga ito. Ito ay buktot. Ang anumang pag-uugali na may kaugnayan o na nakikipagtulungan kay Satanas at sa masasamang espiritu ay matatawag na buktot sa kabuuan. Ang mga paraan ng pagsasagawa na iyon na talagang lihis, masama, sukdulan, at walang habas—buktot din ang mga ito. Palaging mali ang pagkaunawa ng ilang tao sa Diyos, at hindi naitatama ang mga maling pagkaunawang ito paano man ibahagi sa kanila ang katotohanan. Palagi nilang ipinangangaral ang sarili nilang pangangatwiran, ipinipilit ang sarili nilang mga maling kaisipan. At hindi ba’t mayroon ding kaunting kabuktutan dito? Ang ilang tao ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos; matapos na maraming beses na maibahagi sa kanila ang katotohanan, sinasabi nilang nauunawaan nila ito, at na naitama na ang kanilang mga kuru-kuro, pero pagkatapos ay pinanghahawakan pa rin nila ang kanilang mga kuru-kuro, palagi silang negatibo, at mahigpit silang kumakapit sa sarili nilang mga palusot. Ito ay buktot, hindi ba? Ito ay isang uri din ng kabuktutan. Bilang pagbubuod, ang sinumang nakagawa ng isang bagay na hindi makatwiran at tumatangging tanggapin ito paano man ibahagi sa kanya ang katotohanan, ay ubod ng sama, at medyo buktot. Hindi madali para sa mga taong ito na may buktot na mga disposisyon na mailigtas ng Diyos, dahil hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan at tumatanggi silang bitiwan ang mga buktot nilang maling kaisipan; wala na talagang magagawa pa para sa kanila.
Katatapos lang natin pagbahaginan ang anim na disposisyon: ang pagkamatigas ng kalooban, pagiging mapagmataas, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, malupit, at buktot. Sa paghihimay sa anim na disposisyong ito, nabigyan ba kayo ng bagong kaalaman at pagkaunawa sa mga pagbabago sa disposisyon? Ano nga ba ang mga pagbabago sa disposisyon? Nangangahulugan ba ito ng pag-aalis ng isang kapintasan, pagtutuwid ng isang pag-uugali, o pagbabago ng isang partikular na personalidad? Hinding-hindi. Kaya, mas malinaw na ba nang kaunti sa inyo kung ano ba talaga ang tinutukoy ng disposisyon? Mailalarawan ba ang anim na disposisyong ito bilang ang mga tiwaling disposisyon ng tao, bilang ang kalikasang diwa ng tao? (Oo.) Mga positibong bagay ba o mga negatibong bagay ang anim na disposisyong ito? (Mga negatibong bagay.) Ang mga ito ay tahasang mga tiwaling disposisyon, ang mga ito ang mga pangunahing aspekto ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Wala ni isa sa mga tiwaling disposisyong ito ang hindi mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan, at wala ni isa sa mga ito ang positibo. Kaya, ang anim na disposisyong ito ay anim na aspekto, na sa kabuuan ay tinatawag na tiwaling disposisyon. Ang mga tiwaling disposisyon ang kalikasang diwa ng tao. Paano maipaliliwanag ang “diwa”? Ang diwa ay tumutukoy sa kalikasan ng tao. Ang ibig sabihin ng kalikasan ng tao ay ang mga bagay na sinasandigan ng tao para sa pag-iral niya, ang mga bagay na namamahala sa kung paano siya namumuhay. Namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga kalikasan. Ano man ang isinasabuhay mo, ang mga layon at direksiyon mo, ang mga patakarang ipinamumuhay mo, hindi nagbabago ang iyong kalikasang diwa—hindi ito mapag-aalinlanganan. Kaya, kapag hindi mo taglay ang katotohanan, at nabubuhay ka sa pamamagitan ng pagsandig sa mga tiwaling disposisyong ito, ang lahat ng ipinamumuhay mo ay laban sa Diyos, salungat sa katotohanan, at taliwas sa mga layunin ng Diyos. Dapat mo itong maunawaan ngayon: Matatamo ba ng mga tao ang kaligtasan kung hindi magbabago ang kanilang mga disposisyon? (Hindi.) Magiging imposible iyon. Kaya, kung hindi magbabago ang mga disposisyon ng mga tao, magiging kaayon ba sila ng Diyos? (Hindi.) Magiging napakahirap nito. Pagdating sa anim na disposisyong ito, kahit alinman dito, at kahit ano pa ang antas ng naipamamalas o naibubunyag sa iyo, kung hindi mo kayang makawala sa pagpipigil ng mga tiwaling disposisyong ito, ano man ang mga motibo at pakay ng iyong mga kilos, at kung sadya ka bang kumikilos o hindi, ang kalikasan ng lahat ng iyong ginagawa ay tiyak na magiging laban sa Diyos, at tiyak na kokondenahin ng Diyos—na isang napakalubhang kahihinatnan. Ang kondenahin ba ng Diyos ang hinihiling sa huli ng lahat ng nananampalataya sa Diyos? (Hindi.) At dahil hindi ito ang kalalabasan na hinihiling ng mga tao, ano ang pinakamahalagang gawin nila? Dapat nilang malaman ang sarili nilang tiwaling disposisyon at tiwaling diwa, maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay dapat nilang tanggapin ang katotohanan—dahan-dahan at paunti-unting iwinawaksi ang mga tiwaling disposisyong ito sa mga sitwasyong inihanda ng Diyos para sa kanila, at natatamo ang pagiging kaayon ng Diyos at ng katotohanan. Ito ang landas sa mga pagbabago ng disposisyon ng isang tao.
Noong nakaraan, mayroong mga taong nag-akala na napakadali at simple lang na baguhin ang kanilang mga disposisyon. Naniwala sila na “Basta’t pipilitin ko ang sarili ko na hindi magsabi ng mga bagay na sumasalungat sa Diyos o gumawa ng anumang gagambala o gugulo sa gawain ng iglesia, at basta’t tama ang perspektiba ko, tama ang puso ko, at nauunawaan ko ang kaunti pang katotohanan, mas nagsisikap ako, mas nagdurusa, at mas nagbabayad ng halaga, pagkaraan ng ilang taon ay tiyak na magagawa kong magtamo ng pagbabago sa aking disposisyon.” Makatwiran ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Saan sila nagkamali? (Wala silang kaalaman sa tiwali nilang disposisyon.) Ano ang layunin ng pag-alam sa iyong tiwaling disposisyon? (Ang magbago.) At ano ang kalalabasan ng pagbabagong ito? Nakakamit mo ang katotohanan. Para masukat kung mayroon na bang pagbabago sa iyong disposisyon, kailangan mong tingnan kung ang iyong mga kilos ay katugma ba ng katotohanan o lumalabag sa katotohanan, kung ang mga ito ba ay nagmumula sa kalooban ng mga tao o sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos. Para makita kung gaano kalaki na ang nagbago sa iyong disposisyon, tingnan mo kung kaya mong pagnilayan ang iyong sarili, at maghimagsik laban sa iyong laman, mga motibo, mga ambisyon, at mga pagnanais, kapag nagbubunyag ka ng isang tiwaling disposisyon, at kung kaya mong magsagawa nang ayon sa katotohanan kapag ginawa mo ito. Ang antas ng iyong abilidad na magsagawa nang ayon sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos at kung ganap na umaayon ang iyong pagsasagawa sa mga pamantayan ng katotohanan ay nagpapatunay kung gaano kalaki na ang naging pagbabago sa iyong disposisyon. Ito ay proporsiyonal. Gamitin nating halimbawa ang disposisyon na matigas ang kalooban: Sa simula, kapag wala pang nagiging anumang pagbabago sa iyong disposisyon, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, at wala ka ring kamalayan na mayroon kang disposisyon na matigas ang kalooban, at nang marinig mo ang katotohanan, naisip mo, “Paanong laging inilalantad ng katotohanan ang mga peklat ng mga tao?” Matapos mo itong marinig, nadama mo na tama ang mga salita ng Diyos, pero kung makaraan ang isa o dalawang taon ay hindi mo pa rin isinasapuso ang alinman sa mga ito, kung hindi mo pa tinatanggap ang alinman sa mga ito, ito ay katigasan ng kalooban, hindi ba? Kung makaraan ang dalawa o tatlong taon ay walang naging pagtanggap, kung walang naging pagbabago sa kalagayang nasa loob mo, at kahit na hindi ka napag-iwanan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at labis ka nang nagdusa, ay hindi pa nalutas ni kaunti o nabawasan man lang ang iyong kalagayang matigas ang kalooban, kung gayon ay nagkaroon na ba ng anumang pagbabago sa aspektong ito ng iyong disposisyon? (Hindi.) Kung gayon, bakit ka nagpaparoo’t parito at nagtatrabaho? Anuman ang dahilan mo sa paggawa nito, pikit-mata kang nagpaparoo’t parito at nagtatrabaho, dahil nagpaparoo’t parito ka at nagtatrabaho nang ganito karami, pero wala pa rin ni katiting na pagbabago sa iyong disposisyon. Hanggang sa dumating ang araw na bigla mong maiisip, “Paanong hindi ako makapagsabi ng ni isang salita ng patotoo? Hindi pa nagbago ni kaunti ang buhay disposisyon.” Sa panahong ito ay madarama mo kung gaano kalubha ang problemang ito, at iisipin mo, “Tunay na mapaghimagsik ako at matigas ang kalooban ko! Hindi ako isang taong naghahangad ng katotohanan! Walang puwang sa puso ko ang Diyos! Paano ito matatawag na pananalig sa Diyos? Ilang taon na akong nananampalataya sa Diyos pero hindi pa rin ako nagsasabuhay ng wangis ng tao, at hindi rin malapit sa Diyos ang puso ko! Hindi ko rin isinapuso ang mga salita ng Diyos; at hindi ako nakadarama ng pag-usig ng konsensiya o kagustuhang magsisi kapag may ginagawa akong mali—hindi ba’t katigasan ito ng kalooban? Hindi ba’t anak ako ng pagrerebelde?” Nababagabag ka. At ano ang kahulugan ng nababagabag ka? Ang ibig sabihin nito ay na nais mong magsisi. May kamalayan ka sa iyong katigasan ng kalooban at pagiging mapaghimagsik. At sa panahong ito, nagsisimulang magbago ang iyong disposisyon. Nang hindi mo namamalayan, may ilang kaisipan at pagnanais sa iyong kamalayan na nais mong baguhin, at wala ka na sa hindi mapagkasunduang kalagayan sa Diyos. Makikita mo ang sarili mo na gustong mapabuti ang iyong ugnayan sa Diyos, hindi na maging matigas ang kalooban, maisagawa ang mga salita ng Diyos sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay, maisagawa ang mga ito bilang ang mga katotohanang prinsipyo—taglay mo ang kamalayang ito. Mabuti na may kamalayan ka sa mga bagay na ito, pero nangangahulugan ba ito na magagawa mong magbago agad-agad? (Hindi.) Kailangan mong pagdaanan ang ilang taon ng karanasan, kung kailan magkakaroon ka ng lalong malinaw na kamalayan sa iyong puso, at magkakaroon ka ng matinding pangangailangan, at sa puso mo ay iisipin mong, “Hindi ito tama—kailangan ko nang itigil ang pagsasayang ng oras ko. Kailangan kong hangarin ang katotohanan, kailangang may gawin akong wastong bagay. Noon, pinababayaan ko ang aking mga nararapat na tungkulin, iniisip ko lang ang mga materyal na bagay gaya ng pagkain at kasuotan, at naghahangad lang ako ng kasikatan at pakinabang. Bilang resulta, wala akong natamong anumang katotohanan. Pinanghihinayangan ko ito at kailangan kong magsisi!” Sa puntong ito, tumatahak ka na sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Basta’t sinisimulang pagtuunan ng mga tao ang pagsasagawa sa katotohanan, hindi ba’t dinadala sila nito nang isang hakbang papalapit sa mga pagbabago sa kanilang disposisyon? Gaano katagal ka man nang nananampalataya sa Diyos, kung kaya mong madama ang sarili mong kalabuan—na noon pa man ay tinatangay ka lang ng agos, at na pagkatapos ng ilang taon ng pagpapatangay, ay wala kang natamo, at hungkag pa rin ang iyong pakiramdam—at kung hindi ka komportable dahil dito, at nagsisimula kang magnilay sa iyong sarili, at nadarama mong pagsasayang ng oras ang hindi paghahangad sa katotohanan, sa panahong iyon ay mapagtatanto mo nang ang mga salita ng Diyos ng panghihikayat ay ang Kanyang pagmamahal sa tao, at kamumuhian mo ang iyong sarili dahil sa hindi mo pakikinig sa mga salita ng Diyos at dahil sa labis na kawalan mo ng konsensiya at katwiran. Magsisisi ka, at pagkatapos ay gugustuhin mong baguhin ang iyong asal, at tunay na mamuhay sa harapan ng Diyos, at sasabihin mo sa iyong sarili, “Hindi ko na puwedeng saktan pa ang Diyos. Napakarami na Niyang sinabi, at ang bawat salita ay para sa kapakinabangan ng tao, at para ituro ang tao sa tamang daan. Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig, at lubhang karapat-dapat sa pagmamahal ng tao!” Ito ang simula ng pagbabago ng mga tao. Isang napakabuting bagay ang magkaroon ng ganitong karanasan! Kung masyado kang manhid na hindi mo man lang alam ang mga bagay na ito, nasa panganib ka, hindi ba? Sa kasalukuyan, napagtatanto ng mga tao na ang susi sa pananalig sa Diyos ay ang mas magbasa pa ng mga salita ng Diyos, na ang pagkaunawa sa katotohanan ang pinakamahalaga sa lahat, na napakahalagang maunawaan ang katotohanan at makilala ang sarili, at na tanging ang kakayahang maisagawa ang katotohanan at gawing kanilang realidad ang katotohanan ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Kung gayon, ilang taon ng karanasan ang sa tingin ninyo ay kailangan ninyo para magkaroon ng ganitong kaalaman at pakiramdam sa inyong puso? Ang mga taong matalas ang isip, na may kabatiran, na may matinding pagnanais para sa Diyos—ang mga ganitong tao ay maaaring mabago ang kanilang sarili sa loob ng isa o dalawang taon at magsimulang makapasok. Pero ang mga taong magulo ang isip, na manhid at mapurol ang utak, na walang kabatiran—ay magpapalipas ng tatlo o limang taon nang tuliro, walang kamalayan na wala pa silang anumang natatamo. Kung masigasig nilang gagampanan ang kanilang mga tungkulin, maaari silang magpalipas ng mahigit sampung taon nang tuliro at hindi pa rin magkaroon ng malinaw na mga pakinabang o magawang magsalita tungkol sa kanilang mga patotoong batay sa karanasan. Kapag pinaalis o tiniwalag na sila ay saka lamang sila magigising sa wakas at maiisip na, “Talagang wala akong anumang katotohanang realidad. Talagang hindi ako naging isang taong naghahangad ng katotohanan!” Hindi ba’t medyo huli na ang paggising nila sa puntong ito? Ang ilang tao ay basta na lang nagpapatangay sa agos, palaging inaasam ang araw ng pagparito ng Diyos pero hindi man lang hinahangad ang katotohanan. Bilang resulta, lumilipas ang mahigit sampung taon nang wala silang nagiging pakinabang o nang hindi nila nagagawang magbahagi ng anumang patotoo. Kapag marahas na silang napungusan at nabalaan, ay saka lamang nila madarama sa wakas na tumagos sa puso nila ang mga salita ng Diyos. Napakamapagmatigas ng kalooban ng puso nila! Paanong uubra sa kanila na hindi sila mapungusan at maparusahan? Paanong uubra sa kanila na hindi sila madisiplina nang matindi? Ano ang kailangang gawin para magkaroon sila ng kamalayan, para magkaroon sila ng reaksiyon? Hindi luluha ang mga taong hindi naghahangad ng katotohanan hangga’t hindi nila nakikita ang sarili nilang libingan. Pagkatapos nilang makagawa ng napakaraming makademonyo at masasamang bagay ay saka lamang nila matatanto at sasabihin nila sa kanilang sarili, “Tapos na ba ang pananalig ko sa Diyos? Ayaw na ba sa akin ng Diyos? Nakondena na ba ako?” Nagsisimula silang magnilay. Kapag negatibo sila, nadarama nilang naging sayang lang ang lahat ng taong ito ng pananampalataya sa Diyos, at puno sila ng hinanakit, at malamang na sumuko sila at isiping wala nang pag-asa. Pero kapag natauhan na sila, napagtatanto nilang, “Hindi ba’t sinasaktan ko lang ang aking sarili? Kailangan kong makabangon. Sinabihan akong hindi ko minamahal ang katotohanan. Bakit iyon sinabi sa akin? Paanong hindi ko minamahal ang katotohanan? Naku! Hindi ko lang hindi minamahal ang katotohanan, pero ni hindi ko maisagawa ang mga katotohanang nauunawaan ko! Isa itong pagpapamalas ng pagiging tutol sa katotohanan!” Matapos maisip ito, medyo nakadarama sila ng pagsisisi, at medyo natatakot din: “Kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na parurusahan ako. Hindi, kailangan kong agad na magsisi—hindi dapat masalungat ang disposisyon ng Diyos.” Sa panahong ito, nabawasan na ba ang antas ng kanilang katigasan ng kalooban? Para bang tinusok ng karayom ang kanilang puso; may nadarama sila. At kapag nadarama mo ito, napupukaw ang iyong puso, at nagsisimula kang maging interesado sa katotohanan. Bakit may ganito kang interes? Dahil kailangan mo ang katotohanan. Kung wala ang katotohanan, kapag pinungusan ka, hindi ka makapagpapasakop dito at hindi mo matatanggap ang katotohanan, at hindi ka makapaninindigan kapag nahaharap ka sa mga pagsubok. Kung magiging lider ka, magagawa mo bang iwasan na maging isang huwad na lider at iwasang matahak ang landas ng isang anticristo? Hindi mo ito magagawa. Mapagtatagumpayan mo ba ang pagkakaroon ng katayuan at pagpupuri ng iba? Mapagtatagumpayan mo ba ang mga sitwasyon o tuksong inihahanda para sa iyo? Lubos mong kilala at nauunawaan ang iyong sarili, at sasabihin mo, “Kung hindi ko nauunawaan ang katotohanan, hindi ko mapagtatagumpayan ang lahat ng ito—isa akong basura, wala akong kayang gawin.” Anong uri ng mentalidad ito? Ito ay ang pangangailangan sa katotohanan. Kapag nangangailangan ka, kapag wala ka na talagang magawa, gugustuhin mo lang na sumandig sa katotohanan. Madarama mo na wala nang iba pang maaasahan, at na ang umasa lang sa katotohanan ang makalulutas sa iyong mga problema, at ang makapagbibigay-daan sa iyo na makayanan ang mga pagpupungos, pagsubok, at mga tukso, at ito ang makatutulong sa iyo na malampasan ang anumang sitwasyon. At habang lalo kang umaasa sa katotohanan, lalo mong madarama na ang katotohanan ay mabuti, kapaki-pakinabang, at ang pinakamakatutulong sa iyo, at na kaya nitong lutasin ang lahat ng iyong suliranin. Sa gayong mga pagkakataon, magsisimula kang asamin ang katotohanan. Kapag umabot na sa puntong ito ang mga tao, nagsisimula na bang mabawasan o magbago nang paunti-unti ang kanilang tiwaling disposisyon? Mula sa panahong maunawaan at matanggap nila ang katotohanan, nagsisimula nang magbago ang pagtingin ng mga tao sa mga bagay-bagay, at pagkatapos nito ay nagsisimula na ring magbago ang kanilang mga disposisyon. Isa itong mabagal na proseso. Sa mga unang yugto, hindi namamalayan ng mga tao ang maliliit na pagbabagong ito; pero kapag tunay na nilang nauunawaan at naisasagawa ang katotohanan, nagsisimula na ang mga esensyal na pagbabago, at nadarama nila ang gayong mga pagbabago. Mula sa punto ng pagsisimula ng mga tao na asamin ang katotohanan at manabik na makamit ang katotohanan, at naising hanapin ang katotohanan, hanggang sa puntong may nangyayari sa kanila, at batay sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ay naisasagawa nila ang katotohanan at natutugunan ang mga layunin ng Diyos, at hindi sila kumikilos nang ayon sa sarili nilang kalooban, at napagtatagumpayan nila ang kanilang mga motibo, at napagtatagumpayan nila ang kanilang mapagmataas, mapaghimagsik, matigas ang kalooban, at mapagkanulong puso, hindi ba’t paunti-unting nagiging buhay na nila ang katotohanan? At kapag naging buhay mo na ang katotohanan, ang mapagmataas, mapaghimagsik, matigas ang kalooban, at mapagkanulong mga disposisyong nasa iyong kalooban ay hindi mo na magiging buhay, at hindi ka na makokontrol ng mga ito. At ano ang gumagabay sa iyo sa iyong pag-asal sa panahong ito? Ang mga salita ng Diyos. Kapag naging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, nagkaroon na ba ng pagbabago? (Oo.) At pagkatapos, habang lalo kang nagbabago, lalong bumubuti ang mga bagay-bagay. Ito ang proseso ng pagbabago ng mga disposisyon ng mga tao, at matagal bago makamit ang epektong ito.
Kung gaano katagal inaabot ang pagbabago sa disposisyon ay depende sa tao; walang nakatakdang haba ng panahon para dito. Kung siya ay isang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan, makikita ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon sa loob ng pito, walo, o sampung taon. Kung siya ay katamtaman ang kakayahan, at handa ring hangarin ang katotohanan, baka abutin ng mga labinlima o dalawampung taon bago makita ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Ang susi ay ang determinasyon ng taong iyon na hangarin ang katotohanan at kung gaano katalas ang kanyang pagkaunawa, ito ang mga salik na makatutukoy. Ang bawat uri ng tiwaling disposisyon ay umiiral sa bawat tao sa magkakaibang antas, lahat ng ito ay kalikasan ng tao, at lahat ng ito ay malalim na nakaugat. Subalit, sa pamamagitan ng paghahangad at pagsasagawa ng katotohanan, at ng pagtanggap sa paghatol, pagkastigo, pagpupungos, pagsubok at pagpipino ng Diyos, maaaring matamo ang magkakaibang antas ng pagbabago sa bawat disposisyon. Sinasabi ng ilang tao, “Kung ganoon, hindi ba’t nakadepende lang sa panahon ang mga pagbabago sa disposisyon? Pagdating ng panahon, malalaman ko kung ano ang mga pagbabago sa disposisyon, at magagawa kong pumasok.” Ganito nga ba ang kaso? (Hindi.) Talagang hindi. Kung panahon lang ang kailangan para magtamo ng mga pagbabago sa disposisyon, tiyak na nagkaroon sana ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon ang lahat ng taong buong buhay nang nananampalataya sa Diyos. Pero ganito nga ba talaga ang lagay ng mga bagay-bagay? Nakamit na ba ng mga taong ito ang katotohanan? Nagtamo na ba sila ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon? Hindi pa. Kasingdami ng balahibo ng isang toro ang mga taong nananampalataya sa Diyos, pero kasingbihira ng mga unicorn ang mga taong nagbago na ang disposisyon. Para tunay na magbago ang mga disposisyon ng mga tao, kailangan nilang umasa sa paghahangad sa katotohanan para makamit ito; ginagawa silang perpekto sa pamamagitan ng pag-asa sa gawain ng Banal na Espiritu. Natatamo ang mga pagbabago sa disposisyon sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa isang banda, kailangang magbayad ng halaga ang mga tao, kailangan nilang magbayad ng halaga pagdating sa paghahangad sa katotohanan, at kailangang handa silang tiisin ang anumang dami ng pagdurusa para makamit ang katotohanan. Bukod pa riyan, kailangang mapatunayan sila ng Diyos bilang mga tamang tao, mga taong may mabuting puso, at mga taong tunay na nagmamahal sa Diyos, para gumawa ang Banal na Espiritu at gawin silang perpekto. Kailangang-kailangan ang pakikipagtulungan ng mga tao pero mas lalong mahalaga na makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung hindi hinahangad o minamahal ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila kailanman alam kung paano magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at lalong hindi nila alam kung paano mahalin ang Diyos, kung hindi sila nagdadala ng pasanin para sa gawain ng iglesia, at wala silang pagmamahal sa iba—at kung sa partikular ay wala silang debosyon kapag gumagampan ng kanilang tungkulin—hindi sila minamahal ng Diyos, hindi sila kailanman magagawang perpekto ng Diyos. Kaya kailangang hindi bulag na ilapat ng mga tao ang mga panuntunan, kundi kailangan nilang maunawaan ang mga layunin ng Diyos. Anuman ang sabihin o gawin ng Diyos, kailangan ay kaya nilang magpasakop, at protektahan ang gawain ng iglesia, kailangang tama ang kanilang puso, at saka lamang makagagawa ang Banal na Espiritu. Kung nais ng mga tao na hangaring maperpekto ng Diyos, kailangan nilang magkaroon ng pusong nagmamahal sa Diyos, isang pusong nagpapasakop sa Diyos, isang pusong may takot sa Diyos, at kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, kailangan nilang maging tapat sa Diyos, at mapalugod ang Diyos. Saka lamang nila maaaring makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag taglay ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, sila ay nabibigyang-liwanag kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, mayroon silang landas ng pagsasagawa ng katotohanan at mga prinsipyo sa pagganap nila ng kanilang tungkulin, ginagabayan sila ng Diyos kapag may problema sila, at masaya at payapa ang kanilang puso gaano man sila magdusa. Habang sumasailalim sila sa paggabay ng Banal na Espiritu sa ganitong paraan sa loob ng sampu o dalawampung taon, magbabago sila nang hindi man lang nila namamalayan. Kapag mas maaga ang pagbabago, mas maaga ang kapayapaan; kapag mas maaga ang pagbabago, mas maaga silang magiging masaya. Kapag nagbago na ang mga disposisyon ng mga tao ay saka lamang nila mahahanap ang tunay na kapayapaan at kagalakan, saka lamang sila magkakaroon ng tunay na masayang buhay. Ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay walang espirituwal na kapayapaan o kagalakan, lalong nagiging hungkag ang kanilang mga araw, at lalong nagiging mahirap tiisin. Iyon namang mga nananampalataya sa Diyos pero hindi hinahangad ang katotohanan, puno ng pasakit at pagdurusa ang kanilang mga araw. Kaya, kapag nananampalataya sa Diyos ang mga tao, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa makamit ang katotohanan. Ang makamit ang katotohanan ay ang makamit ang buhay, at kapag mas maagang nakakamit ang katotohanan, mas maganda. Kung wala ang katotohanan, hungkag ang buhay ng mga tao. Ang makamit ang katotohanan ay ang mahanap ang kapayapaan at kagalakan, ang makapamuhay sa harapan ng Diyos, ang mabigyang-liwanag, magabayan, at maakay ng gawain ng Banal na Espiritu, lalong magliliwanag ang kanilang puso, at lalong lalaki ang kanilang pananalig sa Diyos. Kaya ngayon, mas maliwanag na ba sa inyo ang katotohanan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon? (Oo, nauunawaan na namin ngayon.) Kung talagang malinaw na ito sa inyo, mayroon na kayong landas, at alam na ninyo kung paano maging epektibo sa paghahangad sa katotohanan.
Abril 28, 2017