7. Paano unti-unting lumalalim ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos para mailigtas at magawang perpekto ang mga tao?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na hinihingi ay itinatakda sa tao. Higit pa rito, habang lumilipas at umuusad ang mga kapanahunan, ang mga hinihingi ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, unti-unting naaabot ng gawain ng pamamahala ng Diyos ang rurok nito, hanggang sa makita ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga hinihingi sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang patotoong hinihingi sa tao na ibigay. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas nakakapagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na hinihingi sa kanya na ibigay, at ang patotoong ibinibigay niya ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay sukdulang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, hihingin sa tao na magbigay ng mas mataas na patotoo, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, hiningi sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hiningi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, hinihingi sa tao na magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng napakadakilang pagmamahal sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng kapighatian. Ang tatlong yugto ay mga hinihingi ng Diyos sa tao, nang hakbang-hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas malalim kaysa sa nauna, at sa bawat yugto, mas mataas ang mga hinihingi sa tao kaysa sa nauna, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga hinihingi sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, at saka pa lamang unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensiya ni Satanas hanggang sa, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay mailigtas na mula sa impluwensiya ni Satanas.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Sa paglikha ng mundo, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pamamahala, at ang tao ang nasa sentro ng gawaing ito. Masasabi na ang paglikha ng Diyos sa lahat ng bagay ay para sa kapakanan ng tao. Dahil ang gawain ng Kanyang pamamahala ay umaabot nang libu-libong taon at hindi ginagawa sa loob lamang ng ilang minuto o segundo, o sa isang kisapmata, o isa o dalawang taon, kinailangan Niyang lumikha ng iba pang mga bagay na kinakailangan para mabuhay ang sangkatauhan, tulad ng araw, buwan, lahat ng uri ng nilikhang may buhay, pagkain, at isang kapaligiran ng pamumuhay. Ito ang simula ng pamamahala ng Diyos.
Pagkatapos, ipinasa ng Diyos ang sangkatauhan kay Satanas, at namuhay ang tao sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, na unti-unting humantong sa gawain ng Diyos sa unang kapanahunan: ang kuwento ng Kapanahunan ng Kautusan…. Sa loob ng ilang libong taon sa Kapanahunan ng Kautusan, ang sangkatauhan ay nasanay sa paggabay ng Kapanahunan ng Kautusan at hindi ito pinahalagahan. Unti-unti, iniwan ng tao ang pangangalaga ng Diyos. Kaya nga, habang sumusunod sa kautusan, sumamba rin sila sa mga diyos-diyosan at gumawa ng masasamang gawa. Wala silang proteksyon ni Jehova, at namuhay lamang sa harap ng altar sa templo. Sa katunayan, ang gawain ng Diyos ay matagal na silang iniwan, at kahit kumapit pa rin sa kautusan ang mga Israelita, at sinambit nila ang pangalan ni Jehova, at buong pagmamalaki pang naniwala na sila lamang ang mga tao ni Jehova at ang mga hinirang ni Jehova, ang kaluwalhatian ng Diyos ay tahimik na lumisan sa kanila …
…………
Gaya ng palaging nangyayari, matapos ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, sinimulan ng Diyos ang Kanyang bagong gawain ng ikalawang yugto: ang pagkakaroon ng katawan—ang magkatawang-tao bilang tao sa loob ng sampu o dalawampung taon—at pagsasalita at paggawa ng Kanyang gawain sa gitna ng mga mananampalataya. Subalit walang eksepsyon, walang nakaalam dito, at iilang tao lamang ang kumilala na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao matapos ipako sa krus at mabuhay muli ang Panginoong Jesus. … Sa sandaling makompleto ang pangalawang yugto ng gawain ng Diyos—pagkaraan ng pagpapako sa krus—naisakatuparan ang gawain ng Diyos na bawiin ang tao mula sa kasalanan (ibig sabihin, bawiin ang tao mula sa mga kamay ni Satanas). Kaya nga, mula sa sandaling iyon, kinailangan lamang tanggapin ng sangkatauhan ang Panginoong Jesus bilang Tagapagligtas, at mapapatawad na ang kanyang mga kasalanan. Sa turing, ang mga kasalanan ng tao ay hindi na isang hadlang sa pagtatamo niya ng kaligtasan at pagharap sa Diyos, at hindi na batayan ng pag-akusa ni Satanas sa tao. Iyon ay dahil ang Diyos Mismo ay nagsagawa na ng praktikal na gawain, naging wangis at patikim ng makasalanang laman, at ang Diyos Mismo ang naging handog para sa kasalanan. Sa ganitong paraan, ang tao ay bumaba mula sa krus, at tinubos at iniligtas sa pamamagitan ng katawang-tao ng Diyos—ang wangis nitong makasalanang laman. Kaya nga, matapos mabihag ni Satanas, nakalapit nang isang hakbang ang tao palapit sa pagtanggap ng Kanyang pagliligtas sa harap ng Diyos. Mangyari pa, ang yugtong ito ng gawain ay ang pamamahala ng Diyos na mas malalim at mas maunlad kaysa sa pamamahala ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan.
…………
At pagkatapos ay dumating ang Kapanahunan ng Kaharian, na siyang mas praktikal na yugto ng gawain, subalit ito rin ang pinakamahirap para sa tao na tanggapin. Iyon ay dahil habang mas napapalapit ang tao sa Diyos, mas napapalapit ang tungkod ng Diyos sa tao, at mas malinaw na nabubunyag ang mukha ng Diyos sa tao. Kasunod ng pagtubos sa sangkatauhan, opisyal na bumabalik ang tao sa pamilya ng Diyos. Akala ng tao ay ngayon na ang oras para sa kasiyahan, subalit isinasailalim siya sa isang harap-harapang paghampas ng Diyos, na ang mga katulad ay hindi pa nakini-kinita ng sinuman: Lumalabas na ito ay isang pagbibinyag na kailangang “tamasahin” ng mga tao ng Diyos. Sa ilalim ng gayong pagtrato, walang pagpipilian ang mga tao kundi ang huminto at isipin sa kanilang sarili, “Ako ang tupang nawala nang maraming taon na labis na pinaggugulan ng Diyos upang matubos, kaya bakit ako tinatrato ng Diyos nang ganito? Ito ba ang paraan ng Diyos para pagtawanan ako at ibunyag ako? …” Matapos ang maraming taon ng mga karanasan, sumasailalim sa pagdurusa ng pagpipino at pagkastigo, ang tao ay napanday na ng panahon. Bagama’t nawala sa tao ang “kaluwalhatian” at “romansa” ng mga nakaraang panahon, hindi niya namalayan na nauunawaan na niya ang mga prinsipyo ng sariling asal, at naunawaan na niya ang mga masidhing layunin na mayroon ang Diyos sa loob ng napakaraming taon para iligtas ang sangkatauhan. Unti-unting nagsimulang kasuklaman ng tao ang sarili niyang kabangisan, kung gaano siya kahirap mapaamo, lahat ng maling pagkaunawa niya tungkol sa Diyos, at ang mga labis-labis na kahilingang nagawa niya sa Kanya. Hindi maibabalik ang oras. Ang mga nakaraang kaganapan ay nagiging mga alaalang pinagsisisihan ng tao, at ang mga salita at mainit na pagmamahal ng Diyos ay nagiging lakas na nagpapasulong sa bagong buhay ng tao. Ang mga sugat ng tao ay naghihilom araw-araw, lumalakas ang katawan niya, at tumatayo siya at nakikita niya ang mukha ng Makapangyarihan sa lahat… Lumalabas na palagi Siyang nasa tabi ko, sinusubaybayan ako. Ang Kanyang ngiti at Kanyang magandang mukha ay sobra pa ring nakakaantig. May labis na malasakit pa rin Siya sa Kanyang puso para sa sangkatauhang Kanyang nilikha, at mainit at makapangyarihan pa rin ang Kanyang mga kamay tulad noong simula. Para bang ang tao ay nagbalik sa panahon ng Halamanan ng Eden, subalit sa ngayon ay hindi na nakikinig ang tao sa mga panunukso ng ahas at hindi na nagtatago mula sa mukha ni Jehova. Lumuluhod ang tao sa pagsamba sa harap ng Diyos, humaharap sa nakangiting mukha ng Diyos, at nag-aalay ng kanyang pinakamahalagang sakripisyo—O! Panginoon ko, Diyos ko!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos
Ang gawain na ginawa ni Jesus ay mas mataas lamang ng isang baitang kaysa sa Lumang Tipan; ito ay ginamit upang simulan ang isang kapanahunan, at upang pangunahan ang kapanahunang iyon. Bakit Niya sinasabing, “Ako’y naparito hindi upang sirain ang kautusan, kundi upang ganapin”? Subalit sa Kanyang gawain ay marami ang naiiba mula sa mga batas na isinagawa at mga utos na sinunod ng mga Israelita ng Lumang Tipan, sapagkat hindi Siya dumating upang sumunod sa batas, kundi para tuparin ito. Kasama sa proseso ng pagtupad nito ang maraming praktikal na bagay: Ang Kanyang gawain ay higit na praktikal at makatotohanan, at, bukod pa roon, ito ay mas buhay, at hindi ang mahigpit na pagsunod sa mga regulasyon. Hindi ba pinanatili ng mga Israelita ang Sabbath? Nang si Jesus ay dumating, hindi Siya sumunod sa Sabbath, sapagkat Kanyang sinabi na ang Anak ng tao ay ang Panginoon ng Sabbath, at kapag ang Panginoon ng Sabbath ay dumating, gagawin Niya ang gusto Niya. Siya ay dumating upang tuparin ang mga batas ng Lumang Tipan at upang baguhin ang mga batas. Ang lahat ng naisasagawa ngayon ay batay sa kasalukuyan, ngunit ito pa rin ay umaasa sa saligan ng gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan, at hindi lumalabag sa saklaw na ito. Ang bantayan ang inyong mga dila, at ang hindi pangangalunya, halimbawa—hindi ba’t ang mga ito ang mga kautusan ng Lumang Tipan? Ngayon, ang mga hinihingi sa inyo ay hindi lang limitado sa Sampung Utos, kundi binubuo ng mga utos at batas na may mas mataas na antas kaysa sa mga nauna, ngunit hindi ito nangangahulugan na nabuwag na iyong mga nauna, dahil ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay isinasagawa sa saligan ng yugto na dumating bago ito. Tungkol naman sa isinakatuparang gawain ni Jehova noon sa Israel, kagaya ng pag-utos sa mga tao na maghandog ng mga alay, igalang ang kanilang mga magulang, huwag sumamba sa mga diyus-diyosan, huwag manakit o sumumpa ng kapwa, huwag makiapid, huwag manigarilyo o uminom, at huwag kumain ng mga patay na bagay o uminom ng dugo—hindi ba ito ang bumubuo sa saligan ng inyong pagsasagawa maging sa kasalukuyan? Sa saligan ng nakaraan na ang gawain ay naipapatupad hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t ang mga batas ng nakaraan ay hindi na binabanggit, at may mga bago nang hinihingi sa iyo, ang mga batas na ito, malayo sa pagkakaalis, ay naitaas sa halip. Ang sabihin na ang mga ito ay naalis na ay nangangahulugan na ang nakaraang kapanahunan ay lipas na sa panahon, samantalang mayroong ilang utos na dapat mong igalang magpakailanman. Ang mga utos ng nakaraan ay isinagawa na, naging katauhan na ng tao, at hindi na kinakailangang bigyan ng natatanging diin ang mga utos na gaya ng “Huwag manigarilyo,” “Huwag uminom,” at iba pa. Sa saligang ito, inilatag ang mga bagong utos alinsunod sa inyong mga pangangailangan sa kasalukuyan, alinsunod sa inyong tayog, at alinsunod sa gawain sa kasalukuyan. Ang pagtatakda ng mga utos para sa bagong kapanahunan ay hindi nangangahulugan ng pag-alis sa mga utos ng dating kapanahunan, kundi higit pang pagpapataas sa saligang ito, upang maging mas kompleto ang mga pagkilos ng tao, at mas praktikal. Kung ngayon ay kailangan lamang ninyo na sumunod sa mga utos at manahan sa mga kautusan ng Lumang Tipan, at kumilos sa parehong paraan tulad ng mga Israelita, at kung kailangan pa ninyong maisaulo ang mga kautusan na ibinigay ni Jehova, walang posibilidad na maaari kayong magbago. Kung kayo ay susunod lang sa iyong kakaunti at limitadong utos o magsasaulo ng di-mabilang na mga kautusan, ang inyong lumang disposisyon ay mananatiling nakatanim nang malalim, at walang magiging paraan upang ito ay bunutin. Kung gayon kayo ay lalo’t lalong magiging masama, at walang sinuman sa inyo ang magiging mapagpasakop. Ibig sabihin, walang kakayahan ang ilang payak na utos o di-mabilang na mga kautusan upang kayo ay tulungang malaman ang mga gawa ni Jehova. Hindi kayo katulad ng mga Israelita: Sa pamamagitan lang ng pagsunod sa mga kautusan at pagsasaulo ng mga utos, nasaksihan nila ang mga gawa ni Jehova, at sa Kanya lamang inalay ang kanilang katapatan. Ngunit hinding-hindi ninyo ito nakakamit, at ang ilang utos sa kapanahunan ng Lumang Tipan ay walang kapabilidad upang kayo ay mahikayat na ibigay ang inyong puso, o na protektahan kayo, kundi sa halip ay gagawin kayong pabaya, at sasanhiin kayong mahulog sa Hades. Sapagkat ang Aking gawain ay ang gawain ng paglupig, at nakatutok ito sa inyong paghihimagsik at sa inyong lumang disposisyon. Ang mabubuting salita ni Jehova at ni Jesus ay malayo sa malulupit na salita ng paghatol ngayon. Kung wala ang malulupit na salitang iyon, magiging imposible na malupig kayong mga “dalubhasa,” na naging mapaghimagsik na sa loob ng libo-libong taon. Matagal nang nawala ang kapangyarihan sa inyo ng mga kautusan ng Lumang Tipan, at sobrang bigat ng paghatol ng kasalukuyan kaysa sa mga kautusan noong panahong iyon. Ang pinakaangkop sa inyo ay ang paghatol, at hindi ang kaunting mga pagpipigil ng mga kautusan, dahil hindi kayo ang sangkatauhan ng pinakaunang panahon, sa halip ay ang sangkatauhan na naging tiwali na sa loob ng libo-libong taon. Ang hinihingi na makamit ng tao ngayon ay batay sa tunay na kalagayan ng tao ngayon, ayon sa kakayahan at talagang tayog ng tao ngayon, at hindi hinihingi sa iyo na sumunod sa mga regulasyon. Ito ay upang makamit ang mga pagbabago sa iyong lumang disposisyon, at upang maisantabi mo ang iyong mga kuru-kuro.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (1)
Bagama’t ang landas na nilalakaran ng tao sa kasalukuyan ay ang landas din ng krus at ang landas ng pagdurusa, ang isinasagawa, kinakain, iniinom, at tinatamasa ng tao ngayon ay may malaking pagkakaiba sa tao sa ilalim ng kautusan at sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang hinihingi sa tao ngayong araw ay hindi tulad niyaong sa nakalipas at lalong hindi tulad ng hiningi sa tao sa Kapanahunan ng Kautusan. At ano ang hiningi sa tao sa ilalim ng kautusan noong ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel? Walang ibang hiniling sa kanila kundi ang sumunod sa Sabbath at sa mga kautusan ni Jehova. Walang sinuman ang dapat magtrabaho sa Sabbath o lumabag sa mga kautusan ni Jehova. Ngunit hindi na ganito sa ngayon. Sa araw ng Sabbath, ang tao ay gumagawa, nagtitipon at nananalangin gaya ng dati, at walang mga paglilimita ang ipinapataw sa kanya. Yaong mga nasa Kapanahunan ng Biyaya ay dapat mabautismuhan, at hiningi rin sa kanila na mag-ayuno, magpira-piraso ng tinapay, uminom ng alak, takpan ang kanilang mga ulo, at hugasan ang mga paa ng iba para sa kanila. Ngayon, ang mga regulasyong ito ay nabuwag na, ngunit mas malalaki ang hinihingi sa tao, dahil ang gawain ng Diyos ay patuloy na lumalalim at ang pagpasok ng tao ay patuloy na tumataas. Noong nakalipas, ipinatong ni Jesus ang Kanyang mga kamay sa tao at nanalangin, ngunit ngayon na ang lahat ng bagay ay nasabi na, ano ang silbi ng pagpapatong ng mga kamay? Ang mga salita lamang ay maaaring makapagkamit ng mga resulta. Noong nakaraan, kapag Siya’y nagpatong ng Kanyang mga kamay sa tao, ito’y para pagpalain at pagalingin ang tao mula sa kanyang mga karamdaman. Ganito gumawa ang Banal na Espiritu noong panahong iyon, ngunit hindi na ganito sa ngayon. Ngayon, ang Banal na Espiritu ay gumagamit ng mga salita upang gumawa at magtamo ng mga bunga. Nilinaw na Niya ang Kanyang mga salita sa inyo, at dapat lamang ninyong isagawa ang mga ito gaya ng sinabi sa inyo. Ang Kanyang mga salita ay ang Kanyang mga layunin; ang mga ito ang gawain na Kanyang nais gawin. Sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, mauunawaan mo ang Kanyang mga layunin at kung ano ang hinihingi Niyang abutin mo, at maisasagawa mo ang Kanyang mga salita nang direkta nang hindi na kailangan ng pagpapatong ng mga kamay. Maaaring sabihin ng ilan, “Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin! Ipatong Mo ang Iyong mga kamay sa akin upang matanggap ko ang Iyong pagpapala at upang makibahagi sa Iyo.” Isa itong lumang pagsasagawa mula sa nakaraan, na ngayon ay hindi na ginagawa, dahil nagbago na ang kapanahunan. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa alinsunod sa kapanahunan, hindi nang sapalaran o sa pamamagitan ng paglalapat ng mga regulasyon. Nagbago na ang kapanahunan, at ang isang bagong kapanahunan ay tiyak na may dalang bagong gawain. Totoo ito sa bawat yugto ng gawain, at kaya ang Kanyang gawain ay hindi kailanman nauulit. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ginawa ni Jesus ang maraming gayong gawain, tulad ng pagpapagaling ng sakit, pagpapalayas ng mga demonyo, pagpapatong ng Kanyang mga kamay sa tao upang ipanalangin ang tao, at pagpapala sa tao. Gayunman, ang gawin uli ang gayon ay walang saysay sa kasalukuyan. Ang Banal na Espiritu ay gumawa sa ganoong paraan noong panahong iyon, dahil iyon ang Kapanahunan ng Biyaya, at may sapat na biyaya para tamasahin ng tao. Walang anumang uri ng kabayaran ang hiningi sa kanya, at hangga’t nananampalataya siya, tatanggap siya ng biyaya. Lahat ay tinrato nang may lubhang kagandahang-loob. Ngayon, ang kapanahunan ay nagbago na, at ang gawain ng Diyos ay nakasulong na nang higit pa; ito ay sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol na ang paghihimagsik ng tao at ang maruruming bagay sa loob ng tao ay mawawaksi. Dahil iyon ang yugto ng pagtubos, kinailangang gumawa ang Diyos sa gayong paraan, na nagpapakita ng sapat na biyaya para matamasa ng tao, para matubos ang tao mula sa kasalanan. Sa pamamagitan ng biyaya Niya, pinatawad Niya ang tao sa kanyang mga kasalanan. Ang kasalukuyang yugto ay upang ilantad ang di-matuwid na mga bagay sa loob ng tao sa pamamagitan ng pagkastigo, paghatol, paghampas gamit ang mga salita, pati na rin ng pagdisiplina at paglalantad gamit ang mga salita, upang pagkatapos ay mailigtas ang sangkatauhan. Ito ay gawaing mas malalim kaysa pagtubos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang tao ay nagtamasa ng sapat na biyaya; ngayong nakaranas na ng biyayang ito ang tao, hindi na ito matatamasa ng tao. Ang gayong gawain ay lipas na ngayon at hindi na gagawin. Ngayon, ang tao ay ililigtas sa pamamagitan ng paghatol ng salita. Pagkatapos hatulan, kastiguhin, at pinuhin ang tao, ang kanyang disposisyon, sa gayon, ay nababago. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dahil sa mga salitang Aking sinambit? Ang bawat yugto ng gawain ay ginagawa ayon sa pag-unlad ng buong sangkatauhan at kasabay ng kapanahunan. Lahat ng gawain ay may kabuluhan, at lahat ng ito ay ginagawa para sa pangwakas na pagliligtas, para ang sangkatauhan ay magkaroon ng isang magandang hantungan sa hinaharap, at para ang mga tao ay mabukod-bukod ayon sa kanilang uri sa huli.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
Sa gawain sa mga huling araw, ang kapangyarihan ng salita ay higit kaysa sa kapangyarihan ng pagpapamalas ng mga tanda at mga himala, at nahihigitan ng awtoridad ng salita ang sa mga tanda at mga himala. Inilalantad ng salita ang lahat ng tiwaling disposisyon na malalim na nakabaon sa puso ng tao. Hindi mo matutuklasan ang mga ito nang mag-isa. Kapag ang mga ito ay naisiwalat ng salita, natural na matutuklasan mo ang mga ito; kakailanganin mo itong aminin, at lubos kang makukumbinsi. Hindi ba’t ito ang awtoridad ng salita? Ito ang resultang nakamit ng kasalukuyang gawain ng salita. Samakatwid, ang tao ay hindi ganap na maililigtas mula sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling ng sakit at pagpapalayas ng mga demonyo, at hindi rin siya magagawang lubos na ganap sa pamamagitan ng pagpapakita ng mga tanda at mga himala. Ang awtoridad upang magpagaling ng mga sakit at magpalayas ng mga demonyo ay nagbibigay lamang ng biyaya sa tao, ngunit ang laman ng tao ay kay Satanas pa rin at ang mga satanikong tiwaling disposisyon ay nananatili pa rin sa loob ng tao. Sa madaling salita, ang taong hindi pa nadadalisay ay nabibilang pa rin sa kasalanan at karumihan. Makakamit ng Diyos at mapapabanal ang tao pagkatapos lamang siyang madalisay sa pamamagitan ng salita. Noong ang mga demonyo ay napalayas sa tao at siya ay natubos, ito ay nangangahulugan lamang na siya ay naagaw mula sa mga kamay ni Satanas at naibalik sa Diyos. Gayumpaman, ang tao ay hindi pa nadalisay o nabago ng Diyos, at nananatili siyang tiwali. Sa loob ng tao ay umiiral pa rin ang karumihan, paglaban, at paghihimagsik; ang tao ay nakabalik lamang sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang pagtubos, ngunit wala siya ni katiting na pagkakakilala sa Diyos at may kakayahan pa rin siyang lumaban at magkanulo sa Kanya. Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay makakapagpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at pagtanggap ng kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, nang malaman ng mga tao na sila ay nagmula sa lahi ni Moab, nagreklamo sila, hindi na nila hinangad ang buhay, at naging lubos na negatibo. Hindi ba’t ipinapakita nito na hindi pa rin nagagawang lubos na magpasakop ng tao sa kapamahalaan ng Diyos? Hindi ba’t ito ang mismong mga satanikong tiwaling disposisyon ng tao? Nang ikaw ay hindi isinailalim sa pagkastigo, itinaas mo ang iyong kamay mas mataas kaysa sa lahat, maging kay Jesus. At ikaw ay sumigaw nang malakas: “Maging isang minamahal na anak ng Diyos! Maging isang kapalagayang-loob ng Diyos! Mas pipiliin namin ang mamatay kaysa yumuko kay Satanas! Maghimagsik laban sa matandang Satanas! Maghimagsik laban sa malaking pulang dragon! Ang malaking pulang dragon nawa ay tuluyan nang bumagsak mula sa kapangyarihan! Nawa ay gawin tayong ganap ng Diyos!” Sumigaw ka nang pinakamalakas sa lahat. Ngunit pagkatapos ay dumating ang panahon ng pagkastigo at, minsan pa ay nabunyag ang iyong mga tiwaling disposisyon. Tumigil ang iyong mga sigaw, at nawala ang iyong determinasyon. Ito ang katiwalian ng tao; ito ay isang bagay na mas malalim kaysa kasalanan, isang bagay na itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)
May tatlong yugto sa gawain ng pagliligtas sa tao, ibig sabihin, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hinati sa tatlong yugto at ganap nang magagapi si Satanas. Ngunit ang tunay na kuwento ng buong gawain ng pakikipaglaban kay Satanas ay na natatamo ang mga epekto nito sa pamamagitan ng ilang hakbang ng gawain: pagkakaloob ng biyaya sa tao, pagiging handog para sa kasalanan ng tao, pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao, paglupig sa tao, at paggawang perpekto sa tao. Sa madaling salita, ang pakikipagdigma kay Satanas ay hindi ang paggamit ng mga armas laban kay Satanas, kundi sa halip ay ang pagpapatotoo para sa Diyos sa pamamagitan ng pagliligtas sa tao, paggawa sa buhay ng tao, at pagbabago sa disposisyon ng tao, at magkagayon ay tinatalo si Satanas. Si Satanas ay natatalo sa pamamagitan ng pagbabago sa tiwaling disposisyon ng tao. Kapag natalo na si Satanas, iyan ay, kapag ang tao ay lubos nang naligtas, sa gayon ang napahiyang si Satanas ay tuluyan nang magagapos, at sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang diwa ng pagliligtas sa tao ay ang pakikipaglaban kay Satanas, at ang labanang ito ay unang-unang nasasalamin sa pagliligtas sa tao. Ang yugto ng mga huling araw, kung saan malulupig ang tao, ay ang huling yugto ng gawain sa pakikipaglaban kay Satanas, at ito rin ang gawain ng ganap na pagliligtas sa tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Ang panloob na kahulugan ng paglupig sa tao ay ang ibalik ang pagsasakatawan ni Satanas—ang tao, na nagawang tiwali ni Satanas—sa Lumikha kasunod ng paglupig sa kanya, at sa pamamagitan nito ay maghihimagsik siya laban kay Satanas at lubusang magbabalik sa Diyos. Sa ganitong paraan, ang tao ay ganap nang naligtas. Kaya, ang gawain ng panlulupig ay ang huling gawain sa pakikipaglaban kay Satanas, at ito ang huling yugto sa pamamahala ng Diyos, na nilalayong talunin si Satanas. Kung wala ang gawaing ito, ang lubos na kaligtasan ng tao sa kahuli-hulihan ay magiging imposible, ang ganap na pagkatalo ni Satanas ay magiging imposible rin, at ang sangkatauhan ay hindi kailanman makakapasok sa kamangha-manghang hantungan, o makakalaya sa impluwensiya ni Satanas. Samakatwid, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi matatapos bago matapos ang pakikipagdigma kay Satanas, sapagkat ang ubod ng gawain ng pamamahala ng Diyos ay para sa pagliligtas sa sangkatauhan. Sa simula pa lang, ang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, ngunit dahil sa panunukso at pagtiwali ni Satanas, ang tao ay naigapos ni Satanas at nahulog sa mga kamay ng masama. Kaya, si Satanas ay naging ang layon na tatalunin sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sapagkat ang tao ay inangkin ni Satanas, at dahil ang tao ang puhunan sa lahat ng pamamahala ng Diyos, kung ililigtas ang tao, kung gayon ay kailangang mabawi siya mula sa mga kamay ni Satanas, na ang ibig sabihin, ang tao na nabihag ni Satanas ay kailangang mabawi. Sa gayon, kailangang matalo si Satanas sa pamamagitan ng mga pagbabago sa dating disposisyon ng tao at sa pagpapanumbalik ng orihinal na katwiran ng tao. Sa ganitong paraan, ang tao, na nabihag, ay mababawi mula sa mga kamay ni Satanas. Kung mapapalaya ang tao mula sa impluwensiya at pagkagapos ni Satanas, sa gayon ay mapapahiya si Satanas, ang tao sa kahuli-hulihan ay mababawi, at si Satanas ay magagapi. At dahil ang tao ay napalaya mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, ang tao ang magiging samsam ng kabuuang labanang ito, at si Satanas ay magiging ang layon na parurusahan sa sandaling natapos ang labanan, kung saan pagkatapos nito ang kabuuang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay makokompleto na.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan