8. Dapat malaman ng isang tao na tanging ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ang Kanyang kumpletong gawain para sa pagliligtas ng sangkatauhan

Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos

(Isang Piniling Kabanata ng Salita ng Diyos)

Ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto, na nangangahulugang ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Hindi kabilang sa tatlong yugtong ito ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay ang tatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ang gawain ng paglikha ng mundo ay ang gawain ng paglikha sa buong sangkatauhan. Hindi ito ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at walang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat nang likhain ang mundo, hindi pa nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y hindi kinailangang isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nagsimula lamang noong magawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y nagsimula rin ang pamamahala sa sangkatauhan noon lamang magawa nang tiwali ang sangkatauhan. Sa madaling salita, nagsimula ang pamamahala ng Diyos sa tao bilang resulta ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi nagmula sa gawain ng paglikha ng mundo. Matapos magkaroon ng tiwaling disposisyon ang tao, saka lamang umiral ang gawain ng pamamahala, at sa gayo’y may tatlong bahagi ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, sa halip na apat na yugto, o apat na kapanahunan. Ito lamang ang wastong paraan ng pagtukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Kapag natapos ang huling kapanahunan, ganap nang natapos ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan. Ang pagtatapos ng gawain ng pamamahala ay nangangahulugan na ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan ay ganap nang natapos, at na natapos na kung gayon ang yugtong ito para sa sangkatauhan. Kung wala ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay hindi iiral, ni hindi rin magkakaroon ng tatlong yugto ng gawain. Dahil ito mismo sa kasamaan ng sangkatauhan, at dahil kailangang-kailangan ng sangkatauhan ng kaligtasan, kaya winakasan ni Jehova ang paglikha ng mundo at sinimulan ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Noon lamang nagsimula ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, na nangangahulugan na noon lamang nagsimula ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang “pamamahala sa sangkatauhan” ay hindi nangangahulugan ng paggabay sa pamumuhay ng sangkatauhan, na bagong-likha, sa lupa (ibig sabihin, ang sangkatauhang hindi pa nagagawang tiwali). Sa halip, ito ang pagliligtas ng isang sangkatauhang nagawa nang tiwali ni Satanas, ibig sabihin, ito ang pagpapabago sa tiwaling sangkatauhang ito. Ito ang kahulugan ng “pamamahala sa sangkatauhan.” Hindi kabilang sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ang paglikha ng mundo, kaya nga hindi rin kasama sa gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay kabilang lamang dito ang tatlong yugto ng gawaing hiwalay sa paglikha ng mundo. Para maunawaan ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, kailangang malaman ang kasaysayan ng tatlong yugto ng gawain—ito ang kailangang malaman ng lahat upang maligtas. Bilang mga nilalang ng Diyos, dapat ninyong kilalanin na ang tao ay nilikha ng Diyos, at dapat ninyong kilalanin ang pinagmulan ng katiwalian ng tao, at, bukod pa roon, ang proseso ng pagliligtas sa tao. Kung ang alam lamang ninyo ay kung paano kumilos ayon sa doktrina sa pagtatangkang makamtan ang pabor ng Diyos, ngunit wala kayong ideya kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, o sa pinagmumulan ng katiwalian ng sangkatauhan, ito ang kulang sa inyo bilang isang nilalang ng Diyos. Hindi ka dapat makuntento sa pag-unawa lamang sa mga katotohanang maaaring isagawa, samantalang nananatili kang mangmang tungkol sa mas malawak na sakop ng gawaing pamamahala ng Diyos—kung magkagayon, masyado kang nakakapit sa doktrina. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kuwento sa loob ng pamamahala ng Diyos sa tao, ang pagdating ng ebanghelyo ng buong mundo, ang pinakamalaking hiwaga sa gitna ng buong sangkatauhan, at ang mga ito rin ang pundasyon ng pagpapalaganap ng ebanghelyo. Kung magtutuon ka lamang sa pag-unawa sa mga simpleng katotohanang may kaugnayan sa buhay mo, at wala kang alam tungkol dito, ang pinakamalaki sa lahat ng hiwaga at pangitain, hindi ba katulad ng isang produktong may depekto ang buhay mo, walang silbi kundi ang pagmasdan lamang?

Kung pagsasagawa lamang ang pinagtutuunan ng tao, at pumapangalawa lamang sa kanya ang gawain ng Diyos at kung ano ang dapat malaman ng tao, hindi ba siya maingat sa maliliit na bagay pero pabaya sa malalaking bagay? Yaong kailangan mong malaman, kailangan mong malaman; yaong kailangan mong maisagawa, kailangan mong isagawa. Saka ka lamang magiging isang taong nakakaalam kung paano maghangad ng katotohanan. Pagdating ng araw na magpapalaganap ka ng ebanghelyo, kung ang tanging nasasabi mo ay na ang Diyos ay isang dakila at matuwid na Diyos, na Siya ang kataas-taasang Diyos, isang Diyos na hindi kayang pantayan ng sinumang dakilang tao, at na Siya ay isang Diyos na hindi mapapangibabawan ninuman…, kung ang tanging masasabi mo ay ang walang-katuturan at mababaw na mga salitang ito samantalang lubos kang walang kakayahang sumambit ng mga salitang napakahalaga at may katuturan; kung wala kang masabi tungkol sa pagkilala sa Diyos o sa gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo maipaliwanag ang katotohanan, o maibigay ang kulang sa tao, ang isang tulad mo ay walang kakayahang gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Ang pagpapatotoo sa Diyos at pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ay hindi simpleng bagay. Kailangan ka munang masangkapan ng katotohanan, at ng mga pangitaing kailangang maunawaan. Kapag malinaw sa iyo ang mga pangitain at katotohanan ng iba’t ibang mga aspeto ng gawain ng Diyos, at nalalaman mo sa iyong puso ang gawain ng Diyos, at anuman ang gawin ng Diyos—maging ito man ay matuwid na paghatol o pagpipino sa tao—taglay mo ang pinakadakilang pangitain bilang iyong pundasyon, at taglay mo ang tamang katotohanang isasagawa, magagawa mong sundin ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Kailangan mong malaman na anuman ang gawaing Kanyang ginagawa, ang layunin ng gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi nagbabago, at ang Kanyang kalooban sa tao ay hindi nagbabago. Gaano man kabagsik ang Kanyang mga salita, gaano man kasama ang sitwasyon, ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ay hindi magbabago, at ang Kanyang layuning iligtas ang tao ay hindi magbabago. Basta’t hindi ito ang gawain ng pagbubunyag ng katapusan ng tao o ng hantungan ng tao, at hindi ito ang gawain ng huling yugto, o ang gawain ng pagwawakas sa buong plano ng pamamahala ng Diyos, at basta’t ito ay sa panahong ginagawaan Niya ang tao, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi magbabago. Palagi itong ang pagliligtas sa sangkatauhan. Ito dapat ang pundasyon ng inyong paniniwala sa Diyos. Ang layunin ng tatlong yugto ng gawain ay ang kaligtasan ng buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na kaligtasan ng tao mula sa sakop ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan. Kapag alam mo na ang layunin ng tatlong yugtong ito ng gawain, malalaman mo kung paano pahalagahan ang kabuluhan ng bawat yugto ng gawain, at malalaman mo kung paano kumilos upang bigyang-kasiyahan ang naisin ng Diyos. Kung makarating ka sa puntong ito, ito, na siyang pinakadakila sa lahat ng pangitain, ang magiging pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos. Hindi mo dapat hangarin lamang ang madadaling paraan ng pagsasagawa o malalalim na katotohanan, kundi dapat mong samahan ng pagsasagawa ang mga pangitain, upang magkaroon kapwa ng mga katotohanang maaaring isagawa at ng kaalamang batay sa mga pangitain. Saka ka lamang magiging isang taong malawak na naghahangad na matamo ang katotohanan.

Ang tatlong yugto ng gawain ay nasa puso ng buong pamamahala ng Diyos, at sa mga ito ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano Siya. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang matanto kung paano ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ni hindi nila alam ang karunungan ng gawain ng Diyos. Nananatili rin silang mangmang tungkol sa maraming paraan ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at sa Kanyang kalooban para sa buong sangkatauhan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang lubos na pagpapahayag ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ay magiging mangmang sa iba’t ibang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at yaong mga kumakapit lamang nang mahigpit sa doktrinang natira mula sa isang yugto ng gawain ay mga taong inililimita ang Diyos sa doktrina, at ang paniniwala sa Diyos ay malabo at alanganin. Ang gayong mga tao ay hindi tatanggap ng pagliligtas ng Diyos kailanman. Ang tatlong yugto lamang ng gawain ng Diyos ang maaaring magpahayag nang lubusan sa kabuuan ng disposisyon ng Diyos at ganap na magpahayag ng hangarin ng Diyos na iligtas ang buong sangkatauhan, at ng buong proseso ng pagliligtas sa sangkatauhan. Patunay ito na natalo na Niya si Satanas at naangkin ang sangkatauhan; patunay ito ng tagumpay ng Diyos, at ito ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. Yaong mga nakakaunawa sa isang yugto lamang ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay bahagi lamang ang alam tungkol sa disposisyon ng Diyos. Sa mga kuru-kuro ng tao, madali para sa iisang yugtong ito ng gawain na maging doktrina, at malamang na magtatag ng mga pirmihang panuntunan ang tao tungkol sa Diyos at gamitin ang iisang bahaging ito ng disposisyon ng Diyos bilang isang paglalarawan ng buong disposisyon ng Diyos. Bukod pa riyan, malaking bahagi ng imahinasyon ng tao ang nakahalo sa loob, sa gayon ay mahigpit na pinipigilan ng tao ang disposisyon, katauhan, at karunungan ng Diyos, gayundin ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, sa loob ng limitadong mga hangganan, naniniwala na kung minsan nang naging ganito ang Diyos, mananatili Siyang ganito habang panahon, at hindi magbabago kailanman. Yaong mga nakakaalam at nagpapahalaga lamang sa tatlong yugto ng gawain ang lubos at tumpak na makakakilala sa Diyos. Kahit paano, hindi nila ilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng mga Israelita, o ng mga Hudyo, at hindi nila Siya ituturing na isang Diyos na ipapako sa krus magpakailanman alang-alang sa tao. Kung makikilala lamang ng isang tao ang Diyos mula sa isang yugto ng Kanyang gawain, ang kanilang kaalaman ay napakaliit, at kasinghalaga lamang ng isang patak na tubig sa karagatan. Kung hindi, bakit ipapako ng marami sa relihiyosong matandang bantay ang Diyos sa krus nang buhay? Hindi ba dahil nililimitahan ng tao ang Diyos sa loob ng ilang hangganan? Hindi ba maraming taong kumokontra sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba’t iba at malawak na gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil napakaliit ng taglay nilang kaalaman at doktrina para sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama’t mababaw ang mga karanasan ng gayong mga tao, mayabang at likas silang mapagpalayaw at hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang mga pagdidisiplina ng Banal na Espiritu at, bukod pa riyan, ginagamit nila ang kanilang mga walang-kuwentang lumang argumento upang “pagtibayin” ang gawain ng Banal na Espiritu. Nagkukunwari din sila, at lubos na kumbinsido sa sarili nilang natutuhan at kaalaman, at kumbinsido na nakakapaglakbay sila sa buong mundo. Hindi ba kinasusuklaman at inaayawan ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at hindi ba sila aalisin pagsapit ng bagong kapanahunan? Hindi ba mga kasuklam-suklam na taong mangmang at kulang sa kaalaman yaong mga humaharap sa Diyos at lantaran Siyang kinokontra, na nagpapakita lamang kung gaano sila katalino? Sa taglay nilang kaunting kaalaman tungkol sa Biblia, sinisikap nilang magwala sa “akademya” ng mundo; taglay ang isang mababaw na doktrina para turuan ang mga tao, sinusubukan nilang baligtarin ang gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang proseso ng pag-iisip. Dahil hindi nila alam ang mangyayari, sinusubukan nilang masdan sa isang sulyap ang 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Walang anumang katinuan ang mga taong ito na dapat banggitin! Sa katunayan, kapag mas maraming kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, mas mabagal silang manghusga sa Kanyang gawain. Bukod pa riyan, katiting lamang ang binabanggit nilang kaalaman nila tungkol sa gawain ng Diyos ngayon, ngunit hindi sila padalus-dalos sa kanilang mga paghusga. Kapag mas kakaunti ang alam ng mga tao tungkol sa Diyos, mas mayabang sila at labis ang tiwala nila sa sarili at mas walang-pakundangan nilang ipinapahayag ang katauhan ng Diyos—subalit ang binabanggit nila ay teorya lamang, at wala silang ibinibigay na tunay na katibayan. Walang anumang halaga ang gayong mga tao. Yaong mga itinuturing na laro ang gawain ng Banal na Espiritu ay mga bobo! Yaong mga hindi maingat kapag nakakatagpo sila ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, na walang-tigil magsalita, mabilis humusga, malayang hinahayaan ang kanilang pag-uugali na tanggihan ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto at nilalapastangan din ito—hindi ba mangmang ang gayon kawalang-galang ng mga tao ba tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu? Bukod pa riyan, hindi ba sila mga taong mayayabang, likas na mapagmataas at pasaway? Kahit dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin sila palalampasin ng Diyos. Hindi lamang nila hinahamak yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong desperadong mga tao ay hindi patatawarin, sa kapanahunang ito man o sa darating na kapanahunan, at mapapahamak sila sa impiyerno magpakailanman! Ang gayong walang-galang at maluhong mga tao ay nagkukunwaring naniniwala sa Diyos, at kapag mas ganito ang mga tao, mas malamang na labagin nila ang mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba tumatahak sa landas na ito ang lahat ng mayabang na talagang hindi mapigil, at hindi pa sumunod kahit kanino kailanman? Hindi ba nila kinokontra ang Diyos bawat araw, ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? Ngayon, dapat ninyong maunawaan kung bakit kailangan ninyong malaman ang kahalagahan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang mga salitang sinasabi Ko ay may pakinabang sa inyo, at hindi lamang hungkag na pananalita. Kung babasahin lamang ninyo ang mga ito na parang humahanga kayo sa mga bulaklak habang nakasakay sa kabayo, hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng Aking pinaghirapan? Dapat malaman ng bawat isa sa inyo ang sarili ninyong likas na pagkatao. Karamihan sa inyo ay sanay makipagtalo; ang mga sagot sa teoretikal na mga tanong ay lumalabas sa inyong dila, ngunit wala kayong maisagot sa mga tanong na may kabuluhan. Kahit ngayon, sumasali pa rin kayo sa mga walang-saysay na usapan, wala kayong kakayahang baguhin ang inyong dating mga disposisyon, at karamihan sa inyo ay walang hangaring baguhin ang paraan ng inyong paghahangad na magtamo ng mas mataas na katotohanan, kundi sa halip ay nabubuhay lamang kayo nang walang sigla. Paano makakaya ng gayong mga tao na sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli? Kahit makasunod kayo sa dulo ng landas, ano ang pakinabang nito sa inyo? Mas mabuti pang baguhin ninyo ang inyong mga ideya bago mahuli ang lahat, na tunay na naghahangad, o dili kaya’y maagang umaatras. Habang lumilipas ang panahon magiging aasa na lamang kayo sa kawanggawa—handa ba kayong gampanan ang ganito kababa at hamak na papel?

Ang tatlong yugto ng gawain ay isang tala ng buong gawain ng Diyos; ang mga ito ay isang tala ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi kathang-isip ang mga ito. Kung nais ninyo talagang maghangad ng kaalaman tungkol sa buong disposisyon ng Diyos, kailangan ninyong malaman ang tatlong yugto ng gawaing isinakatuparan ng Diyos, at bukod pa riyan, hindi ninyo dapat laktawan ang anumang yugto. Ito ang pinakamaliit na kailangang makamit ng mga naghahangad na makilala ang Diyos. Hindi kaya ng tao mismo na maggawa-gawa ng tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang isipin ng tao mismo, ni hindi ito bunga ng espesyal na pabor na ipinagkaloob ng Banal na Espiritu sa iisang tao. Sa halip, ito ay isang kaalamang dumarating matapos maranasan ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ay isang kaalaman tungkol sa Diyos na dumarating lamang matapos maranasan ang mga katunayan ng gawain ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay hindi makakamtan nang basta-basta, at ni hindi ito isang bagay na maaaring ituro. Lubos itong may kaugnayan sa personal na karanasan. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang buod ng tatlong yugtong ito ng gawain, subalit kasama sa loob ng gawain ng pagliligtas ang ilang pamamaraan ng paggawa at ilang kaparaanan ng pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahirap matukoy ng tao, at ito ang mahirap maunawaan ng tao. Ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, mga pagbabago sa gawain ng Diyos, mga pagbabago sa lokasyon ng gawain, mga pagbabago sa mga tatanggap ng gawaing ito, at iba pa—lahat ng ito ay kasama sa tatlong yugto ng gawain. Lalo na, ang pagkakaiba sa paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, gayundin ang mga pagbabago sa disposisyon, anyo, pangalan, identidad, o ang iba pang mga pagbabago ng Diyos, ay bahaging lahat ng tatlong yugto ng gawain. Ang isang yugto ng gawain ay maaari lamang kumatawan sa isang bahagi, at limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw. Hindi kasama rito ang pagkakahiwa-hiwalay ng mga kapanahunan, o mga pagbabago sa gawain ng Diyos, lalo nang hindi kasama ang iba pang mga aspeto. Ito ay isang malinaw na halatang katunayan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang buong gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos ay mga hungkag na salita lamang, walang iba kundi mabulaklak na pananalita. Ang gayong kaalaman ay hindi makakakumbinsi ni makakalupig sa tao; taliwas ito sa realidad, at hindi ito ang katotohanan. Maaaring napakarami nito at kaigaya-igayang pakinggan, ngunit kung taliwas ito sa likas na disposisyon ng Diyos, hindi ka palalampasin ng Diyos. Hindi lamang Niya hindi pupurihin ang iyong kaalaman, kundi gagantihan ka rin Niya sa iyong pagiging isang makasalanan na lumapastangan sa Kanya. Ang mga salita ng pagkakilala sa Diyos ay hindi binibigkas nang basta-basta. Bagama’t maaaring matabil ka at makatang magsalita, at bagama’t napakatuso ng iyong mga salita kaya nakakaya mong mangumbinsi na ang itim ay puti at ang puti ay itim, nahihirapan ka pa ring makaunawa pagdating sa kaalaman tungkol sa Diyos. Ang Diyos ay hindi isang taong mahuhusgahan mo nang padalus-dalos o mapupuri nang basta-basta, o maliitin na parang balewala. Pinupuri mo ang kahit sino at lahat, subalit nahihirapan kang hanapin ang tamang mga salita upang ilarawan ang kataas-taasang biyaya ng Diyos—ito ang natatanto ng bawat talunan. Kahit maraming dalubhasa sa wika na may kakayahang ilarawan ang Diyos, ang katumpakan ng kanilang paglalarawan ay ikasandaang bahagi lamang ng katotohanang sinasabi ng mga taong nabibilang sa Diyos, mga taong kahit limitado lamang ang bokabularyo, ay maraming karanasang mapagpupulutan. Sa gayon ay makikita na ang kaalaman tungkol sa Diyos ay nakasalalay sa katumpakan at katunayan, at hindi sa tusong paggamit ng mga salita o mayamang bokabularyo, at ang kaalaman ng taong iyon at ang kaalaman tungkol sa Diyos ay ganap na walang kaugnayan. Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na makakamtan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga naghahangad na makilala ang Diyos, at hindi makakamtan ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ikaw ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos, o kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao upang makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana’y gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap. Sila yaong mga magpapatotoo sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain, at, siyempre pa, sila rin ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao na personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilalang? May iba pa bang nilalang sa sangkatauhan na mas pupurihin ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay aani pa rin ito ng mga gantimpala. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos ay tatanggap, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang iba’t ibang ranggo ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at tanggapin ang Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala sa Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay hindi karapat-dapat sa anuman sa Kanyang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na magkamit sa huli ng kaalaman tungkol sa Diyos, at nang sa gayon ay magpasakop ang tao sa Diyos. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Wala sa tatlong yugto ng gawain ang nakatago, at makakabuti ito sa kaalaman ng tao tungkol sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na kaalaman tungkol sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.

Ang gawain ng Diyos Mismo ay ang pangitaing kailangang malaman ng tao, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magawa ng tao, at hindi taglay ng tao. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kabuuan ng pamamahala ng Diyos, at wala nang mas dakilang pangitain na dapat malaman ng tao. Kung hindi alam ng tao ang makapangyarihang pangitaing ito, hindi madaling makilala ang Diyos, hindi madaling maunawaan ang kalooban ng Diyos, at, bukod pa riyan, ang landas na tinatahak ng tao ay lalong magiging mahirap. Kung walang mga pangitain, hindi sana nakaya ng tao na makaabot nang ganito kalayo. Ang mga pangitain ang nangangalaga sa tao hanggang ngayon, at nagbigay ng pinakamalaking proteksyon sa tao. Sa hinaharap, kailangang lumalim ang inyong kaalaman, at kailangan ninyong malaman ang kabuuan ng Kanyang kalooban at ang kakanyahan ng Kanyang matalinong gawain sa loob ng tatlong yugto ng gawain. Ito lamang ang inyong tunay na tayog. Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang iisang yugto ng tatlong yugto ang maaaring ipakita bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi inihahayag ang mga ito sa tao sa simula pa lamang, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, kaya nga ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi matatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa antas ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalatag sa tatlong yugtong ito, at bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. Dapat malaman ng tao ang buong disposisyon ng Diyos na ipinapahayag sa tatlong yugtong ito. Lahat ng tungkol sa katauhan ng Diyos ay napakahalaga sa buong sangkatauhan, at kung wala ang kaalamang ito sa mga tao kapag sumasamba sila sa Diyos, wala silang ipinagkaiba sa mga sumasamba kay Buddha. Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli. Bawat yugto ng gawain ay nagpapatuloy mula sa pundasyon ng huli, na hindi tinanggal. Sa ganitong paraan, sa Kanyang gawain na laging bago at hindi kailanman luma, patuloy na ipinapahayag ng Diyos ang mga aspeto ng Kanyang disposisyon na hindi pa naipahayag sa tao kailanman, at palaging inihahayag sa tao ang Kanyang bagong gawain at Kanyang bagong katauhan, at kahit ginagawa ng matatagal nang miyembro ng relihiyon ang lahat para labanan ito, at hayagan itong kinokontra, laging gumagawa ang Diyos ng bagong gawain na layon Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay laging nagbabago, at dahil dito, lagi itong kinokontra ng tao. Kaya lagi ring nagbabago ang Kanyang disposisyon, gayundin ang kapanahunan at mga tumatanggap ng Kanyang gawain. Bukod pa riyan, lagi Siyang gumagawa ng gawaing hindi pa kailanman nagawa dati, nagsasagawa rin ng gawain na sa tingin ng tao ay mukhang salungat sa gawaing ginawa dati, na laban dito. Nagagawa lamang tanggapin ng tao ang isang uri ng gawain, o isang paraan ng pagsasagawa, at mahirap para sa tao ang tanggapin ang gawain, o mga paraan ng pagsasagawa, na taliwas, o mas mataas, kaysa sa kanila. Ngunit ang Banal na Espiritu ay laging gumagawa ng bagong gawain, kaya nga may lumilitaw na sunud-sunod na grupo ng mga eksperto sa relihiyon na kumokontra sa bagong gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay naging mga eksperto dahil mismo sa ang tao ay walang kaalaman kung paanong ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at walang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at, higit pa riyan, walang kaalaman sa maraming paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang tao. Dahil dito, hindi lubos na masabi ng tao kung ito ay gawaing nagmumula sa Banal na Espiritu, at kung ito ang gawain ng Diyos Mismo. Maraming tao ang nakakapit sa isang pag-uugali na, kung ang isang bagay ay umaayon sa mga salitang nauna, tinatanggap nila ito, at kung may mga pagkakaiba sa gawain noong araw, kinokontra at tinatanggihan nila ito. Ngayon, hindi ba kayo sumusunod na lahat sa gayong mga prinsipyo? Ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ay hindi pa nagkaroon ng malaking epekto sa inyo, at may mga naniniwala na ang naunang dalawang yugto ng gawain ay isang pasanin na talagang hindi nila kailangang malaman. Iniisip nila na ang mga yugtong ito ay hindi dapat ipahayag sa masa at dapat bawiin sa lalong madaling panahon, upang hindi matakot ang mga tao sa naunang dalawang yugto ng tatlong yugto ng gawain. Naniniwala ang karamihan na hindi na kailangan pang ipaalam ang naunang dalawang yugto ng gawain, at hindi ito nakakatulong sa pagkilala sa Diyos—iyan ang akala ninyo. Ngayon, naniniwala kayong lahat na tamang kumilos sa ganitong paraan, ngunit darating ang araw na matatanto ninyo ang kahalagahan ng Aking gawain: Dapat ninyong malaman na wala Akong ginagawang anumang gawain na walang kabuluhan. Dahil ipinapahayag Ko ang tatlong yugto ng gawain sa inyo, kailangang maging kapaki-pakinabang ang mga ito sa inyo; dahil ang tatlong yugtong ito ng gawain ay nasa sentro ng buong pamamahala ng Diyos, kailangang magtuon dito ang lahat sa buong sansinukob. Balang araw, matatanto ninyong lahat ang kahalagahan ng gawaing ito. Dapat ninyong malaman na kinokontra ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagkontra sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na masuwayin. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na sumusukat sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at nagsasalita nang wala sa lugar; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katinuan sa kanila. Hindi ba darating ang araw na itatakwil ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay pinipintasan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong wala sa katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; hindi nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pamimintas ayon sa gusto niya. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya kinokontra. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na kontrahin nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, ugali at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, kasuklam-suklam ang iyong mga katangian, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.

Kapag isinantabi mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi kinakailangang maging katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nawari ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman ay wala na sa uso sa lumang kapanahunan at pinigilan ang tao sa pagpasok sa bagong gawain, ang gayong kaalaman ay isa ring kuru-kuro. Kung nagagawang unawain nang tama ng tao ang gayong kaalaman at maaaring makilala ang Diyos mula sa ilang iba’t ibang aspeto, na pinagsasama ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay nagiging isang tulong sa tao, at nagiging batayan ng pagpasok ng tao sa bagong kapanahunan. Sa aral sa pagkilala sa Diyos, kinakailangan mong magpakadalubhasa sa maraming prinsipyo: paano pumasok tungo sa landas ng pagkilala sa Diyos, aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan upang makilala ang Diyos, at paano mo aalisin ang iyong mga kuru-kuro at dating mga disposisyon upang makapagpasakop ka sa lahat ng mga plano ng bagong gawain ng Diyos. Kung ginagamit mo ang mga prinsipyong ito bilang pundasyon para mapakasok sa aral ng pagkilala sa Diyos, mas lalalim nang lalalim ang iyong kaalaman. Kung malinaw ang iyong kaalaman tungkol sa tatlong yugto ng gawain—na ibig sabihin, sa buong plano ng pamamahala ng Diyos—at kung kaya mong lubusang iugnay ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang yugto, at makikita na ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, magkakaroon ka ng isang walang kasintatag na pundasyon. Ang tatlong yugto ng gawain ay ginawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ay maaaring nagawa lamang ng Diyos Mismo, at walang taong maaaring makagawa ng gayong gawain para sa Kanya—na ibig sabihin ay ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitain, ito ang pinakadakilang pangitaing dapat malaman ng tao, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag. Ngayon, ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng iba-ibang relihiyon at denominasyon ay na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makita ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng hindi gawain ng Banal na Espiritu—dahil dito, hindi nila masabi kung ang yugto ng gawaing ito, tulad ng huling dalawang yugto ng gawain, ay ginawa rin ng Diyos na Jehova. Bagama’t sinusunod ng mga tao ang Diyos, karamihan ay hindi pa rin masabi kung ito ang tamang daan. Nag-aalala ang tao kung ang daang ito ang daan na personal na pinangunahan ng Diyos Mismo, at kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay totoo, at karamihan sa mga tao ay wala pa ring ideya kung paano mahihiwatigan ang gayong mga bagay. Yaong mga sumusunod sa Diyos ay hindi matukoy ang daan, kaya nga ang mga mensaheng binibigkas ay babahagya ang epekto sa mga taong ito, at hindi kayang maging lubos na epektibo, kaya nga ito ay nakakaapekto sa pagpasok sa buhay ng gayong mga tao. Kung nakikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkaibang panahon, sa magkaibang lugar, at sa iba’t ibang tao; kung nakikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng isang Diyos—kung tiyakang masasabi ng tao na gawain ito ng isang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Dahil malabo ang mga pangitain ng tao, at dahil kilala lamang ng tao si Jehova bilang Diyos, at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip sila tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon, maraming tao ang nananatiling tapat sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng ngayon, karamihan ng mga tao ay laging nagdududa, at hindi sineseryoso ang gawain ng ngayon. Walang mga kuru-kuro ang tao sa huling dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyan ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng huling dalawang yugto ng gawain, at hindi nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita ayon sa iniisip ng tao ayon sa gusto niya; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtutuwid dito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang pag-uugali, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon; walang mga katunayang magpapatotoo sa kanyang mga imahinasyon, kaya nga ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” may katunayan ang mga iyon o wala. Sa gayon ay naniniwala ang tao sa sarili niyang Diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahanap ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang realidad ng gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro. Gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro tungo sa paisa-isang hakbang ng gawaing ito ng marami sa mga nakasunod sa Diyos hanggang ngayon ay mas lalo pang tumindi, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng matigas na pagkapoot sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng kapootang ito ay nasa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawaing taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Nangyari ito dahil mismo sa mga katunayang hindi nagtulot sa tao na bigyang-laya ang kanyang imahinasyon, at, bukod pa riyan, hindi ito madaling pabulaanan ng tao, at ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay hindi isinaalang-alang ang pag-iral ng mga katunayan, at, bukod pa riyan, dahil hindi iniisip ng tao ang pagiging tama at pagiging totoo ng mga katunayan, at desidido lamang siyang bigyang-laya ang kanyang mga kuru-kuro at gamitin ang kanyang sariling imahinasyon. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos. Maaaring wariin ng tao ang anumang nais niya, ngunit hindi niya maaaring tutulan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi masisira ng tao. Maaari mong bigyang-laya ang iyong imahinasyon, at ipunin pa ang magagandang kuwento tungkol sa gawain nina Jehova at Jesus, ngunit hindi mo maaaring pabulaanan ang katunayan ng bawat yugto ng gawain nina Jehova at Jesus; ito ay isang prinsipyo, at isa rin itong atas administratibo, at dapat ninyong maunawaan ang kahalagahan ng mga isyung ito. Naniniwala ang tao na ang yugtong ito ng gawain ay hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, at na hindi ganito ang naunang dalawang yugto ng gawain. Sa kanyang imahinasyon, naniniwala ang tao na ang gawain ng naunang dalawang yugto ay siguradong hindi katulad ng gawain ng ngayon—ngunit naisip na ba ninyo na lahat ng prinsipyo ng gawain ng Diyos ay pare-pareho, na ang Kanyang gawain ay laging praktikal, at na, anuman ang kapanahunan, laging dadagsa ang mga taong lumalaban at kumokontra sa katunayan ng Kanyang gawain? Lahat ng lumalaban at kumokontra ngayon sa yugtong ito ng gawain ay walang-dudang kumontra na rin sa Diyos noong araw, sapagkat ang gayong mga tao ay laging magiging mga kaaway ng Diyos. Ituturing ng mga taong nakakaalam sa katunayan ng gawain ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain bilang gawain ng isang Diyos, at kalilimutan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Ito ang mga taong kilala ang Diyos, at ang gayong mga tao ay yaong mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, ibubukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lupain ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong kaalaman tungkol sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at hindi ka karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilalang ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilalang ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.

Bakit patuloy ang pagtukoy na ito sa tatlong yugto ng gawain? Ang paglipas ng mga kapanahunan, pag-unlad ng lipunan, at pagpapalit ng anyo ng kalikasan ay sumusunod na lahat sa mga pagbabago sa tatlong yugto ng gawain. Nagbabago ang sangkatauhan sa paglipas ng panahon kasabay ng gawain ng Diyos, at hindi umuunlad mag-isa. Binabanggit ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos upang dalhin ang lahat ng nilalang, at lahat ng tao ng bawat relihiyon at denominasyon, sa ilalim ng kapamahalaan ng isang Diyos. Saanmang relihiyon ka nabibilang, sa huli ay magpapasakop kayong lahat sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ang Diyos lamang Mismo ang maaaring magsagawa ng gawaing ito; hindi ito magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, at ang kanilang pag-iral ay hindi ginagabayan ng mga pinuno o lider ng relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-unlad ng mga sangay ng siyensya patungkol sa pisikal na mundo—bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilalang sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang pinuno lamang, at hindi makakapantay sa Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at anuman ang relihiyon, bawat tao ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilalang ay kailangan ding bumalik sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang ibukod ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod ang bawat isa ayon sa uri, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, na ibinubukod ang lahat ng bagay ayon sa uri—ang gawaing ito ay hindi magagawa ng sinuman maliban sa Diyos. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay isinagawang lahat ng Diyos Mismo, at isinagawa ng isang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay ibubukod ayon sa uri at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa lahat ng dako ng buong sansinukob ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatuwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at tinutulungan lamang ang tao na payabungin ang kanyang isipan, siguradong hindi siya ang Diyos, at siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan. Wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain; isa lamang ang maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong mga kaaway at hindi ang Diyos. Lahat ng masamang relihiyon ay hindi nakaayon sa Diyos, at dahil hindi sila nakaayon sa Diyos, mga kaaway sila ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng isang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay inuutusan ng isang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon—ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain. Bilang isang nilalang ng Diyos, kung nais mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos at nauunawaan mo ang kalooban ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang kalooban ng Diyos para sa mga nilalang, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi karapat-dapat na nilalang ng Diyos! Bilang isang nilalang ng Diyos, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi mo nauunawaan kung sino ang nag-uutos sa buong sangkatauhan, wala kang kakayahang gampanan ang iyong tungkulin. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa hindi na Niya siya iniwan. Hindi tumitigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi iniwan kailanman ang sangkatauhan. Ngunit hindi natatanto ng sangkatauhan na may isang Diyos, lalo nang hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilalang ng Diyos? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilalang ng Diyos, subalit hindi mo nauunawaan ang iyong sariling kasaysayan, at hindi mo namamalayan kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, nalilimutan mo ang mga gawaing ginagawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ngayon, hindi ka magiging karapat-dapat kailanman na magpatotoo sa Diyos. Ngayon, minsan pang personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at hinahayaang mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—samakatuwid ay hindi ba ikaw ang hindi tatanggap ng kaligtasan? Yaong mga nabibilang kay Satanas ay hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga nabibilang sa Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat ng nakakatanto at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at magpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong aalisin. Yaong mga hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi magagawang magpatotoo sa Diyos. Kung nais mong magpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang kaalaman tungkol sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa kabuuan, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos at maisasagawa nila ang katotohanan. Magtataglay sila ng pagkatao at katinuan, at malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas. Yaong mga maaaring magpatotoo sa Diyos ay makatatanggap ng pangako at pagpapala ng Diyos, at magiging grupong mananatili sa pinakahuli, ang grupong nagtataglay ng awtoridad ng Diyos at nagpapatotoo sa Diyos. Marahil ay maaaring maging miyembrong lahat ng grupong ito yaong mga kasama ninyo, o marahil ay kalahati lamang, o ilan lamang—depende iyon sa gusto ninyo at hinahangad ninyo.

mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao

Sinundan: 7. Paano unti-unting lumalalim ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos para mailigtas at magawang perpekto ang mga tao?

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 11: Pinatototohanan mo na si Jesus at ang Makapangyarihang Diyos ang parehong si Cristo, ang una at ang huling Cristo. Hindi ’yan tinatanggap ng ating CCP. Sa The Internationale, malinaw na sinabi “Walang sinumang naging tagapagligtas ng mundo kailanman.” Pilit n’yong pinatototohanan na dumating na si Cristong Tagapagligtas. Paanong hindi kayo tutuligsain ng CCP? Sa palagay namin, ang Jesus na pinananaligan ng mga Kristiyano ay isang karaniwang tao. Ipinako pa nga siya sa krus. Kahit ang Judaismo ay hindi kinilala na Siya si Cristo. Ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw na pinatototohanan n’yo ay isa lamang palang karaniwang tao. Malinaw na inilalarawan sa mga dokumento ng CCP na may apelyido at pangalan Siya. Totoo rin ’yan. Bakit n’yo pinatototohanan na ang gayong karaniwang tao ay si Cristo, ang pagpapakita ng Diyos? Mahirap paniwalaan ’yan! Gaano man n’yo patotohanan ang katotohanang naipahayag at kung paano nagawa ng Makapangyarihang Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw, hindi kikilalanin ng ating CCP na ang taong ito ay ang Diyos. Palagay ko katulad lang kayo ng mga tao ng Kristiyanismo, Katolisismo, at Eastern Orthodoxy na nananalig kay Jesus, na nananalig na Diyos ang isang tao. Hindi ba kamangmangan ’yan? Ano ba talaga ang Diyos at ang pagpapakita at gawain ng Diyos? Ibig sabihin ba nito ay ang pagpapahayag lang ng katotohanan at paggawa ng gawain ng Diyos ay pagpapakita ng tunay na Diyos? Yan ang hinding-hindi namin tatanggapin. Kung makakagawa ang Diyos ng mga himala at hiwaga, mapupuksa ang CCP at lahat ng kumakalaban sa Kanya, kikilalanin namin na Siya ang tunay na Diyos. Kung magpapakita ang Diyos sa kalangitan, gagawa ng madagundong na kulog na tatakot sa buong sanglibutan, yan ang pagpapakita ng Diyos. Sa gayo’y kikilalanin Siya ng ating CCP. Kung hindi, hinding-hindi tatanggapin ng CCP na may Diyos.

Sagot: Hindi ko lang maunawaan, bakit palaging galit ang CCP sa Diyos? Bakit nito palaging tinatanggihan ang Diyos? Bakit ito galit lalo na...

Tanong 7: Ang CCP ay isang rebolusyonaryong partido. Ang pinaniniwalaan nito ay kabastusan at karahasan, ibig sabihin, pag-agaw sa kapangyarihan nang may karahasan! Kung tatanggapin natin ang katwiran ng CCP, “Ang isang kasinungalingan ay nagiging katotohanan kung uulit-ulitin nang sampung libong beses.” Gaano man karaming tao ang nagdududa sa salita nito, tumatanggi at hindi naniniwala rito, walang pakialam ang CCP kahit bahagya, at patuloy pa rin itong nagsisinungaling at nanlilinlang. Basta’t makakamtan nito ang mga agarang epekto at minimithi nito, wala itong pakialam sa magiging kapalit! Kung magrebelde at magprotesta ang mga tao laban dito, gagamit ito ng mga tangke at machine gun para lutasin ang lahat. Kapag kailangan, gagamit ito ng mga bomba atomika at missile para labanan ang mga puwersa ng kalaban. Maaaring gawin ng CCP ang lahat para manatili ito sa paghahari. Nang ipahayag sa publiko ang kaso sa Zhaoyuan sa Shandong, ang CCP ay nagpasimula ng maramihang pagpapadala ng mga sandatahang pulis para supilin at arestuhin ang mga Kristiyano anuman ang mangyari. Sino ang makakapigil dito? Sino ang nangahas na lumaban? Kahit nang makita ng mga dayuhan ang panloloko ng CCP, ano ang magagawa nila? Maraming paraan ang CCP para labanan ang pagtuligsa ng mga demokratikong puwersa ng mga taga-Kanluran. Gumagamit ito ng pera para ayusin ang lahat. May kasabihan nga na, “Sinumang tumanggap ng regalo ay ibinebenta ang kanyang kalayaan.” Paunti nang paunti ang mga bansang tumutuligsa sa CCP ngayon. Takot ang puwersa ng mga kaaway ng CCP na iparinig ang kanilang opinyon. Paano man n’yo ito sabihin, naigigiit pa rin ng CCP ang paghahari nito. Hangga’t may kapangyarihan ang Communist Party, kayong mga nananalig sa Diyos ay hindi makakaasang maging malaya! Ang pagpapakita at gawain ng Diyos sa China ay talagang kamumuhian at ipagbabawal ng CCP. Makamtan man ng CCP ang mithiin nitong magbuo ng ateismo sa China o hindi, hindi ito titigil kailanman sa pag-aresto at pagsupil sa inyo! Matagal na itong malinaw sa akin. Kaya nga tinututulan kong mabuti ang pananalig n’yo sa Makapangyarihang Diyos. Para sa kapakanan n’yo ’yan, hindi n’yo ba nauunawaan?

Sagot: Napakasama ng CCP, pero umuunlad pa rin ito sa mundo at walang nangangahas na hadlangan ito. Ibig kayang sabihin n’yan ay permanente...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito