Kabanata 33
Hinihingi ng Aking kaharian ang mga matapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid. Ang ilang tao ay mangmang; hindi nila madama ang gawain ng Banal na Espiritu at hindi nila maunawaan ang Aking kalooban. Hindi nila makita nang malinaw ang kapaligiran kung saan umiiral ang kanilang pamilya at ang mga nasa paligid nila, at ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang pikit-mata at nawawalan sila ng maraming pagkakataon na magkamit ng biyaya. Paulit-ulit nilang pinagsisisihan ang kanilang mga kilos at kapag nahaharap sila sa isang bagay, hindi na naman nila ito makita nang malinaw. Minsan ay nakakaya nilang umasa sa Diyos upang magtamo ng tagumpay, subalit kapag naharap sila sa parehong uri ng bagay kalaunan, umuulit ang dating sakit, at hindi nila maunawaan ang Aking kalooban. Ngunit hindi Ko tinitingnan ang mga bagay na ito, at hindi Ko natatandaan ang inyong mga paglabag. Sa halip, nais Ko kayong iligtas mula sa malaswang lupaing ito at tulutan kayong panibaguhin ang inyong mga buhay. Pinatawad Ko na kayo nang paulit-ulit. Gayunman, ngayon ang pinakakritikal na hakbang. Hindi na kayo maaaring malito pa at hindi na maaaring magpumilit pang sumulong nang ganyan, na patigil-tigil. Kailan kayo makararating sa hantungan? Kailangan ninyong gawin ang inyong buong makakaya upang makatakbo papunta sa dulo ng takbuhan nang hindi humihinto. Huwag kayong maging makupad sa pinakakritikal na sandali, sumulong nang buong-tapang, at isang masaganang piging ang nasa inyong harapan. Mabilis na isuot ang inyong mga damit-pangkasal at mga balabal ng pagiging matuwid, at dumalo sa hapunan ng kasalan ni Cristo; tamasahin ang pampamilyang kaligayahan magpasawalang-hanggan! Hindi ka na magdadalamhati, malulungkot at magbubuntung-hininga gaya ng dati. Ang lahat ng nasa panahong iyon ay naglaho na gaya ng usok at tanging ang muling nabuhay na buhay ni Cristo ang magkakaroon ng kapangyarihan sa loob mo. Sa loob mo, magkakaroon ng isang templong nadalisay ng paglilinis at paghuhugas, at ang buhay ng muling pagkabuhay na iyong nakamit na ay mananahan sa loob mo magpakailanpaman!