Kabanata 20
Hindi mabilang at hindi maarok ang yaman ng Aking sambahayan, subalit hindi kailanman lumapit sa Akin ang tao para tamasahin ang mga iyon. Walang kakayahan ang tao na magpakasaya sa sarili niya, ni protektahan ang kanyang sarili gamit ang sarili niyang lakas; sa halip, palagi siyang umaasa sa iba. Sa lahat ng tinitingnan Ko, walang sinumang sadya at tuwirang naghanap sa Akin kailanman. Lumalapit silang lahat sa Akin sa paghihikayat ng iba, sumusunod sa karamihan, at ayaw nilang magbayad ng halaga o gumugol ng oras para pagyamanin ang kanilang buhay. Kaya, sa gitna ng tao, walang sinumang nabuhay sa realidad, at namumuhay ang lahat ng tao ng buhay na walang kahulugan. Dahil sa mga kagawian at kaugalian ng tao na matagal nang umiiral, nababalot ng amoy ng lupa ang katawan ng lahat ng tao. Dahil dito, ang tao ay naging manhid, walang pakiramdam sa kapanglawan ng mundo, at sa halip ay nag-aabala siya sa gawain ng pagpapakasasa sa malamig na mundong ito. Ang buhay ng tao ay wala ni kaunting init, at walang anumang bakas ng pagiging tao o liwanag—subalit mapagpalayaw na siya sa sarili noon pa man, nagtitiis ng habambuhay na walang halaga kung saan nagpaparoo’t parito siya nang walang anumang napapala. Sa isang kisapmata, papalapit na ang araw ng kamatayan, at mapait ang kamatayang sumasapit sa tao. Sa mundong ito, wala siyang naisakatuparang anuman kailanman, o napalang anuman—nagmamadali siyang dumating dito, at nagmamadaling umalis. Wala sa mga yaon sa Aking paningin ang dumating na may dala, o umalis nang may dala, kaya pakiramdam ng tao ay hindi patas ang mundo. Subalit walang sinumang gustong magmadaling lumisan. Hinihintay lamang nila ang araw kung kailan biglang darating sa tao ang Aking pangako mula sa langit, na nagtutulot sa kanila, sa panahon kung kailan sila ay naliligaw, na minsan pang mamasdan ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Kaya, nakatutok ang tao sa bawat gawa at kilos Ko upang makita kung talagang natupad Ko ang Aking pangako sa kanya. Kapag siya ay nasa gitna ng kapighatian, o matinding kirot, o naliligiran ng mga pagsubok at malapit nang bumagsak, isinusumpa ng tao ang araw ng kanyang pagsilang upang mas maaga niyang matakasan ang panganib na ito at makalipat sa isa pang ideyal na lugar. Ngunit kapag lumipas na ang mga pagsubok, napupuspos ng galak ang tao. Ipinagdiriwang niya ang araw ng kanyang pagsilang sa lupa at hinihiling na pagpalain Ko ang araw ng kanyang pagsilang; sa panahong ito, hindi na binabanggit ng tao ang mga panunumpa ng nakaraan, takot na takot na sumapit sa kanya ang kamatayan sa ikalawang pagkakataon. Kapag itinataas ng Aking mga kamay ang mundo, nagsasayawan sa galak ang mga tao, hindi na sila nalulungkot, at umaasa silang lahat sa Akin. Kapag tinatakpan Ko ng Aking mga kamay ang Aking mukha, at idinidiin ang mga tao sa ilalim ng lupa, agad silang nahihirapang huminga, at halos hindi nila kayang manatiling buhay. Lahat sila ay naghuhumiyaw sa Akin, takot na lilipulin Ko sila, sapagkat gusto nilang lahat na makita ang araw na Ako ay nagtatamo ng kaluwalhatian. Itinuturing ng tao ang Aking araw na puhunan ng kanyang pag-iral, at dahil lamang ito sa mahigpit na inaasam ng mga tao ang araw kung kailan darating ang Aking kaluwalhatian kaya nakapanatiling buhay ang sangkatauhan hanggang ngayon. Ang mga isinilang sa mga huling araw ay mapalad na mamasdan ang Aking buong kaluwalhatian. Ito ang pagpapalang inorden ng Aking mga salita.
Sa paglipas ng mga kapanahunan, marami nang lumisan sa mundong ito sa kabiguan, at nang may pag-aatubili, at marami ang nakarating dito na may pag-asa at pananalig. Naisaayos Ko nang dumating ang marami, at napaalis Ko na ang marami. Hindi mabilang na mga tao ang nagdaan sa Aking mga kamay. Maraming espiritu ang naitapon sa Hades, marami ang nabuhay sa katawang-tao, at marami ang namatay at muling isinilang sa mundo. Subalit kailanman ay walang sinuman sa kanila ang nagkaroon ng pagkakataong matamasa ang mga pagpapala ng kaharian ngayon. Napakarami Ko nang naibigay sa tao, subalit kakatiting ang kanyang natamo; dahil sa pagsalakay ng mga puwersa ni Satanas, naiwan siyang walang kakayahang tamasahin ang lahat ng Aking yaman. Naging mapalad lamang siyang matingnan ang mga ito, ngunit hindi niya lubos na natamasa ang mga ito kailanman. Hindi natuklasan ng tao kailanman ang kabang-yaman sa kanyang katawan upang matanggap ang mga yaman ng langit, kaya nawala sa kanya ang mga pagpapalang naipagkaloob Ko sa kanya. Hindi ba’t ang espiritu ng tao ang organo na nag-uugnay sa kanya sa Aking Espiritu? Bakit hindi nakipag-ugnayan ang tao sa Akin kailanman sa kanyang espiritu? Bakit siya lumalapit sa Akin sa katawang-tao, subalit hindi niya kayang gawin ito sa espiritu? Ang katawang-tao ba ang tunay Kong mukha? Bakit hindi kilala ng tao ang Aking diwa? Talaga bang hindi Ako nagkaroon ng anumang bakas kailanman sa espiritu ng tao? Ganap na ba Akong naglaho mula sa espiritu ng tao? Kung hindi papasok ang tao sa espirituwal na mundo, paano niya maaarok ang Aking mga layunin? Sa mga mata ng tao, mayroon bang direktang makakatagos sa espirituwal na mundo? Maraming pagkakataon na nanawagan Ako sa tao sa pamamagitan ng Aking Espiritu, subalit kumikilos ang tao na para bang natusok Ko siya, tinitingnan Ako mula sa malayo, sa malaking takot na baka akayin Ko siya tungo sa ibang mundo. Maraming pagkakataon na nagtanong Ako sa espiritu ng tao, subalit nananatili siyang lubos na walang kamalayan, na may malaking takot na papasok Ako sa kanyang tahanan at sasamantalahin Ko ang pagkakataon para alisin sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Sa gayon, pinagsasarhan niya Ako sa labas, iniiwan Akong nakaharap lamang sa malamig at mahigpit na nakasarang pinto. Maraming pagkakataong bumagsak na ang tao at nailigtas Ko siya, subalit pagkagising ay agad niya Akong iniiwan at, hindi naaantig ng Aking mapagmahal na kabaitan, bigla Akong sinusulyapan nang may pag-iingat; hindi Ko kailanman napainit ang puso ng tao. Ang tao ay isang walang-damdamin at walang pusong hayop. Kahit mainit ang Aking yakap, hindi siya lubhang naantig nito kailanman. Ang tao ay parang isang taong-bundok. Hindi niya pinahalagahan kailanman ang Aking buong pagkalinga sa sangkatauhan. Ayaw niya Akong lapitan, mas gusto niyang manahan sa kabundukan, kung saan tinitiis niya ang banta ng mababangis na hayop—subalit ayaw pa rin niya Akong gawing kanlungan. Hindi Ko pinipilit ang sinumang tao: Ginagawa Ko lamang ang Aking gawain. Darating ang araw na lalangoy ang tao patungo sa Aking tabi mula sa kalagitnaan ng malawak na karagatan, upang matamasa niya ang lahat ng yaman sa lupa at iwan ang panganib na lamunin ng dagat.
Habang nagiging kumpleto ang Aking mga salita, unti-unting nabubuo ang kaharian sa lupa at unti-unting bumabalik sa normalidad ang tao, at sa gayon ay naitatatag sa lupa ang kahariang nasa Aking puso. Sa kaharian, nababawi ng lahat ng tao ng Diyos ang buhay ng normal na tao. Wala na ang nagyeyelong taglamig, napalitan ng isang mundo ng mga lungsod ng tagsibol, kung saan tumatagal nang buong taon ang tagsibol. Hindi na nalalantad ang mga tao sa kapanglawan ng mundo ng tao, at hindi na nila tinitiis ang nakangangatog na lamig ng mundo ng tao. Hindi nag-aaway-away ang mga tao, hindi nagdidigmaan ang mga bansa, wala nang patayan at dugong dumadaloy mula sa patayan; lahat ng lupain ay puspos ng kagalakan, at lahat ng dako ay punung-puno ng pagkagiliw sa pagitan ng mga tao. Ako ay naglalakad sa buong mundo, nasisiyahan Ako mula sa kaitaasan ng Aking luklukan, at naninirahan Ako sa piling ng mga bituin. Inaalayan Ako ng mga anghel ng mga bagong awit at mga bagong sayaw. Wala nang luhang umaagos sa kanilang mukha nang dahil sa sarili nilang karupukan. Hindi Ko na naririnig, sa Aking harapan, ang tinig ng mga anghel na umiiyak, at hindi na rin nagbabahagi ng mga pighati ang sinuman sa Akin. Ngayon, lahat kayo ay namumuhay sa Aking harapan; bukas, iiral kayong lahat sa Aking kaharian. Hindi ba ito ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkakaloob Ko sa tao? Dahil sa halagang ibinabayad ninyo ngayon, mamanahin ninyo ang mga pagpapala ng hinaharap at mamumuhay kayo sa gitna ng Aking maluwalhating liwanag. Ayaw pa rin ba ninyong makipag-ugnayan sa diwa ng Aking Espiritu? Nais pa rin ba ninyong paslangin ang inyong sarili? Handa ang mga tao na hangarin ang mga pangakong nakikita nila, kahit panandalian lamang ang mga iyon, subalit walang sinumang handang tumanggap sa mga pangako ng kinabukasan, kahit tatagal ang mga ito nang walang hanggan. Ang mga bagay na nakikita ng tao ay ang mga bagay na pupuksain Ko, at ang mga bagay na hindi nahahawakan ng tao ay ang mga bagay na tutuparin Ko. Ito ang pagkakaiba sa pagitan ng Diyos at ng tao.
Nakalkula ng tao kung kailan darating ang araw Ko, subalit wala pang nakakaalam sa eksaktong petsa, kaya maaari lamang mabuhay ang tao sa gitna ng pagkatulala. Dahil ang mga pananabik ng tao ay umaalingawngaw sa walang-hangganang kalangitan at pagkatapos ay naglalaho, paulit-ulit na nawalan ng pag-asa ang tao, kaya bumagsak na siya sa kanyang kasalukuyang sitwasyon. Ang layon ng Aking mga pagbigkas ay hindi para hangarin ng tao ang mga petsa, ni hindi para itulak siya sa kanyang sariling pagkawasak dahil sa kawalan niya ng pag-asa. Nais Kong manahin ng tao ang Aking pangako, at nais Kong magkaroon ng bahagi ang lahat ng tao sa buong mundo sa Aking pangako. Ang nais Ko ay mga nilalang na may buhay na puno ng sigla, hindi mga bangkay na nababad na sa kamatayan. Dahil pumwesto na Ako sa mesa ng kaharian, uutusan Ko ang lahat ng tao sa lupa na tanggapin ang Aking pagsisiyasat. Hindi Ko tinutulutan ang presensya ng anumang maruming bagay sa Aking harapan. Hindi Ko hinahayaang manghimasok ang sinumang tao sa Aking gawain; lahat ng nanghihimasok sa Aking gawain ay itinatapon sa mga bartolina, at matapos silang pakawalan ay naliligiran pa rin sila ng sakuna, tumatanggap ng nakakapasong apoy ng lupa. Kapag Ako ay nasa Aking nagkatawang-taong laman, kasusuklaman Ko ang sinumang magtatangkang talakayin ang Aking gawain kasama ang Aking katawang-tao. Maraming beses Ko nang ipinaalala sa lahat ng tao na wala Akong kamag-anak sa lupa, at sinumang nagtuturing sa Akin bilang isang kapantay, at hinahatak Ako sa kanila upang magunita nila ang mga panahong nakaraan sa Aking piling, ay sasailalim sa pagkawasak. Ito ang Aking itinatakda. Sa gayong mga bagay ni katiting ay hindi Ako maluwag sa tao. Lahat ng nanghihimasok sa Aking gawain at nagpapayo sa Akin ay kinakastigo Ko, at hindi Ko patatawarin kailanman. Kung hindi Ako magsasalita nang malinaw, hindi matatauhan ang mga tao kailanman, at hindi mamamalayang mahuhulog sila sa Aking pagkastigo—sapagkat hindi Ako kilala ng tao sa Aking katawang-tao.
Marso 20, 1992