Kabanata 19
Paggamit sa Aking mga salita bilang batayan ng pananatili nilang buhay—ito ang obligasyon ng sangkatauhan. Kailangang itatag ng mga tao ang kanilang sariling bahagi sa bawat bahagi ng Aking mga salita; ang hindi paggawa nito ay paghahangad ng sarili nilang pagkalipol at pag-iimbita ng kahihiyan. Hindi Ako kilala ng sangkatauhan, at dahil dito, sa halip na ialay ang sarili nilang buhay sa Akin bilang kapalit, ang tanging ginagawa nila ay iwasiwas ang basura sa mga kamay nila sa Aking harapan, sinusubukan Akong bigyan ng kasiyahan. Pero hindi Ako nasisiyahan sa lagay ng mga bagay-bagay; patuloy lang Akong humihingi ng mga bagay-bagay sa sangkatauhan. Minamahal Ko ang mga kontribusyon ng mga tao, ngunit kinamumuhian Ko ang kanilang mga kahilingan. Lahat ng tao ay may pusong nag-iimbot; para bang nabihag ng diyablo ang puso ng tao, at walang nakakawala at nakapag-aalay ng kanilang puso sa Akin. Kapag nagsasalita Ako, nakikinig nang husto ang mga tao sa Aking tinig; pero kapag tumatahimik Ako, sinisimulan nilang muli ang sarili nilang mga “proyekto” at ganap na tumitigil sa pakikinig sa Aking mga salita, na parang pandagdag lamang ang Aking mga salita sa kanilang mga “proyekto.” Hindi Ako kailanman naging maluwag sa sangkatauhan, gayumpaman ay naging mapagpasensya at mapagparaya Ako sa sangkatauhan. Kaya nga, bilang resulta ng Aking pagiging mapagparaya, hindi matantiya ng mga tao ang sarili nilang mga abilidad at wala silang kakayahang kilalanin at pagnilay-nilayan ang kanilang sarili; sinasamantala lamang nila ang Aking pasensya para linlangin Ako. Wala ni isa sa kanila ang naging taos-pusong mapagsaalang-alang sa Akin kailanman, at wala ni isa ang tunay na nagpahalaga sa Akin bilang isang itinatanging bagay sa kanilang puso; sa mga sandaling wala silang magawa, saka lang sila nakagawa ng ilang bagay para pabasta-basta Akong harapin. Ang pagsisikap na naigugol Ko sa sangkatauhan ay hindi na masusukat; nakagawa na Ako ng gawaing hindi pa nagagawa sa mga tao, at bukod pa rito, nabigyan Ko na sila ng dagdag at panlabas na pasanin, nang sa gayon, mula sa kung ano ang tinataglay Ko at ang Aking pagiging Diyos, ay magtamo sila ng ilang kaalaman at magkaroon ng ilang pagbabago. Hindi Ko hinihingi na maging mga “tagagamit” lamang ang mga tao; hinihingi Ko rin na maging mga “tagagawa” sila na nakakatalo kay Satanas. Bagama’t maaaring hindi Ko hinihingi na gumawa ng anuman ang sangkatauhan, magkagayunman, mayroon Akong mga hinihinging pamantayan para sa mga tao, sapagkat may layunin sa Aking ginagawa, at may batayan din Ako para sa Aking mga kilos: Hindi Ako, kagaya ng iniisip ng mga tao, naglalaro nang walang habas, ni hindi Ko nilikha ang langit at lupa at lahat ng bagay ayon sa anumang paraang gusto Ko. Sa Aking mga kilos, dapat ay may makita ang mga tao, at may makamit. Hindi nila dapat aksayahin ang pinakamasiglang panahon ng kanilang kabataan, o tratuhin ang sarili nilang buhay na parang mga kasuotang naaalikabukan dahil sa kawalang-ingat; sa halip, dapat nilang bantayan nang mahigpit ang kanilang sarili, kumukuha mula sa Aking kasaganaan para tustusan ang sarili nilang kasiyahan, hanggang, dahil sa Akin, hindi sila makabalik patungo kay Satanas, at, dahil sa Akin, nilulusob nila si Satanas. Hindi ba’t napakasimple ng Aking mga hinihingi sa sangkatauhan?
Kapag nagsisimulang lumitaw ang bahagyang kislap ng liwanag sa Silangan, mas pinapansin ito nang kaunti ng lahat ng tao sa loob ng sansinukob. Hindi na nahihimbing sa pagkatulog, kumikilos ang mga tao upang pagmasdan ang pinagmumulan ng liwanag na ito sa silangan. Dahil sa kanilang limitadong kapabilidad, wala pang nakakita sa lugar na pinagmumulan ng liwanag. Kapag lubos na naliliwanagan ang lahat ng nasa loob ng sansinukob, gumigising ang mga tao mula sa pagtulog at pananaginip, at saka lamang nila natatanto na unti-unti nang dumarating sa kanila ang Aking araw. Nagdiriwang ang buong sangkatauhan dahil sa pagdating ng liwanag, at dahil dito ay hindi na sila nahihimbing sa pagtulog o walang malay. Sa ilalim ng ningning ng Aking liwanag, lumilinaw ang isipan at paningin ng buong sangkatauhan, at agad silang nagigising sa kagalakan ng pamumuhay. Sa ilalim ng pagbalot ng makapal na hamog, minamasdan Ko ang buong mundo. Namamahinga ang lahat ng hayop; dahil sa pagdating ng bahagyang kislap ng liwanag, namamalayan ng lahat na papalapit ang isang bagong buhay. Dahil dito, gumagapang din palabas ang lahat ng hayop mula sa kanilang mga yungib, naghahanap ng pagkain. Ang mga halaman, siyempre pa, ay hindi naiiba, at sa ningning ng liwanag ay kumikinang ang kanilang luntiang mga dahon nang napakaningning, naghihintay na gampanan ang sarili nilang papel para sa Akin habang Ako ay nasa lupa. Lahat ng tao ay minimithi ang pagdating ng liwanag, subalit kinatatakutan nila ang pagdating nito, labis na nababalisa na hindi na maitatago ang sarili nilang kapangitan. Ito ay dahil ganap na hubo’t hubad ang mga tao, at walang anumang maitatakip sa kanila. Sa gayon, napakaraming taong natataranta dahil sa pagdating ng liwanag, at gulat na gulat dahil sa paglitaw nito. Napakaraming tao, nang makita ang liwanag, ang napupuspos ng walang-hanggang pagsisisi, namumuhi sa sarili nilang karumihan; subalit hindi na mababago ang mga katunayan, at wala silang magagawa kundi hintayin Akong magbigay-hatol. Napakaraming tao, na napino ng pagdurusa sa kadiliman, nang makita ang liwanag, ang biglang tinamaan ng pagkakatanto sa malalim na kahulugan nito, at mula noon ay pinanghahawakan nila nang mahigpit ang liwanag, sa sobrang takot na mawala itong muli. Napakaraming tao, sa halip na mawalan ng balanse dahil sa biglaang paglitaw ng liwanag, ang nagpapatuloy lamang sa pang-araw-araw na gawain dahil nabulag na sa loob ng mahabang panahon at sa gayon ay hindi lamang nila hindi napapansin na dumating na ang liwanag, kundi hindi rin sila nasisiyahan dito. Sa puso ng mga tao, hindi Ako matayog ni mababa. Para sa kanila, hindi Ako kinakailangan; para bang hindi magiging malungkot ang buhay ng mga tao kung wala Ako, ni hindi magiging mas masaya kasama Ako. Dahil hindi Ako pinahahalagahan ng mga tao, ang mga bagay na ipinagkakaloob Kong matamasa nila ay napakakaunti lang. Gayumpaman, kapag binibigyan Ako ng mga tao ng kahit katiting pa na pagmamahal, binabago Ko rin ang Aking saloobin sa kanila. Dahil dito, kapag naarok ng mga tao ang batas na ito, saka lamang sila magiging sapat na mapalad para ialay ang kanilang sarili sa Akin at hilingin ang mga bagay na hawak Ko sa Aking kamay. Siguro naman, hindi lamang sa sarili nilang interes nakatali ang pagmamahal nila sa Akin? Siguro naman, hindi lamang sa mga bagay na ibinibigay Ko nakatali ang pananalig nila sa Akin? Maaari kayang, maliban kung makita nila ang Aking liwanag, hindi Ako kayang mahalin ng mga tao nang sinsero sa pamamagitan ng kanilang pananalig? Siguro naman, hindi talaga nalilimitahan ng mga kondisyon ng kasalukuyan ang kanilang lakas? Maaari kayang kailangang maging matapang ang sangkatauhan para magmahal sa Akin?
Dahil sa Aking pag-iral, ang lahat ng bagay ay masunuring nagpapasakop sa mga lugar kung saan nananahan ang mga ito, at, sa kawalan ng Aking pagdisiplina, hindi nagiging walang pagpipigil ang mga ito. Samakatwid, ang kabundukan ay nagiging mga hangganan sa pagitan ng mga bansa sa lupa, ang mga tubig ay nagiging mga hadlang para mapanatiling magkakahiwalay ang mga tao sa iba’t ibang lupain, at ang hangin ay nagiging yaong dumadaloy sa pagitan ng mga tao sa mga espasyo sa ibabaw ng lupa. Ang sangkatauhan lamang ang walang kakayahang tunay na sumunod sa mga hinihingi ng Aking mga layunin; ito ang dahilan kaya Ko sinasabi na, sa lahat ng bagay, tanging ang mga tao ang nabibilang sa kategorya ng mapaghimagsik. Hindi talaga nagpasakop ang sangkatauhan sa Akin kailanman, at dahil dito, noon pa man, napanatili Ko ang mga tao sa ilalim ng mahigpit na pamamahala. Kung sakaling mangyari, sa gitna ng sangkatauhan, na umabot ang Aking kaluwalhatian sa buong sansinukob, siguradong kukunin Ko ang Aking buong kaluwalhatian at ipapamalas ito sa harap ng sangkatauhan. Dahil sa kanilang karumihan, ang mga tao ay hindi karapat-dapat na tumingin sa Aking kaluwalhatian, kaya sa loob ng libo-libong taon ay hindi Ako nagpakita kailanman, sa halip ay nananatili Akong nakatago; dahil dito, hindi pa naipamalas kailanman ang Aking kaluwalhatian sa harap nila, at lagi silang nahuhulog sa walang hanggang kailaliman ng kasalanan. Pinatawad Ko na ang mga tao sa kanilang pagiging di-matuwid, ngunit lahat sila ay hindi nakakaalam kung paano pangalagaan ang kanilang sarili, at sa halip ay lagi nilang ginagawang bulnerable ang kanilang sarili sa pagkakasala, tinutulutan itong pinsalain sila. Hindi ba’t ipinapakita nito ang kawalan ng galang at pagmamahal sa sarili ng sangkatauhan? Sa gitna ng sangkatauhan, maaari bang tunay na magmahal ang sinuman? Gaano ba kabigat ang katapatan ng sangkatauhan? Hindi ba’t may maruruming bagay na nakahalo sa diumano’y pagiging tunay ng mga tao? Hindi ba’t halo-halo ang katapatan ng lahat? Ang hinihingi Ko ay ang kanilang buong pagmamahal. Hindi Ako kilala ng mga tao, at bagama’t maaaring hangad nilang makilala Ako, hindi nila ibinibigay sa Akin ang kanilang tunay at taimtim na puso. Hindi Ko pinipilit ang sangkatauhan. Kung ibibigay nila sa Akin ang kanilang katapatan, tatanggapin Ko iyon nang walang magalang na pagtutol. Gayumpaman, kung wala silang tiwala sa Akin, at ayaw nilang ialay kahit katiting ng kanilang sarili sa Akin, sa halip na lalo pang mayamot dahil doon, pakikitunguhan Ko na lamang sila sa ibang paraan at magsasaayos Ako ng isang angkop na hantungan para sa kanila. Ibubuwal ng kulog, na dumadagundong sa kalangitan, ang mga tao; ang matataas na bundok, habang gumuguho ang mga ito, ay ibabaon sila; lalapain sila ng gutom na mababangis na hayop; at ilulubog sila ng dumadaluyong na mga karagatan. Habang abala ang sangkatauhan sa patayan ng magkakapatid, hahangarin ng lahat ng tao ang sarili nilang pagkalipol sa mga kalamidad na umuusbong sa gitna nila.
Lumalawak ang kaharian sa gitna ng sangkatauhan, nabubuo ito sa gitna ng sangkatauhan, at tumitindig ito sa gitna ng sangkatauhan; walang puwersang makawawasak sa Aking kaharian. Mga tao Ko, na nasa kaharian ng kasalukuyan, sino sa inyo ang hindi kasapi sa lahi ng tao? Sino sa inyo ang nasa labas ng kalagayan ng tao? Kapag isinapubliko ang Aking bagong panimula, ano ang magiging reaksiyon ng mga tao? Nakita na ng sarili ninyong mga mata ang kalagayan ng mundo ng tao; hindi pa ba ninyo naiwaksi ang kaisipan ng pamumuhay sa mundong ito magpakailanman? Naglalakad Ako ngayon sa gitna ng Aking mga tao at naninirahan Ako sa gitna nila. Ngayon, yaong mga may tunay na pagmamahal sa Akin—mapalad ang gayong mga tao. Mapalad ang mga nagpapasakop sa Akin, mananatili sila sa Aking kaharian. Mapalad ang mga nakakakilala sa Akin, sila ay gagamit ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Mapalad ang mga naghahangad sa Akin, makakalaya sila mula sa mga gapos ni Satanas at magtatamasa ng Aking mga pagpapala. Mapalad ang mga nagagawang maghimagsik laban sa kanilang sarili, sila ay Aking aariin at magmamana sila ng kasaganaan ng Aking kaharian. Tatandaan Ko ang mga nagsusumikap para sa Akin, tatanggapin Ko ang mga gumugugol ng kanilang sarili para sa Akin, at pagkakalooban Ko ng mga bagay na tatamasahin nila yaong mga nag-aalay sa Akin. Pagpapalain Ko ang mga nagtatamasa sa Aking mga salita; magiging mga haligi sila ng Aking kaharian, pagyayamanin sila nang hindi masukat sa Aking sambahayan, at walang maikukumpara sa kanila. Tinanggap na ba ninyo kailanman ang mga pagpapalang inihanda para sa inyo? Hinangad na ba ninyo kailanman ang mga pangakong binitiwan para sa inyo? Kayo, sa ilalim ng gabay ng Aking liwanag, ay makakawala mula sa pagsakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, hindi mawawala sa inyo ang gabay ng liwanag. Kayo ang magiging mga panginoon ng lahat ng bagay. Kayo ay magiging mga mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng bansa ng malaking pulang dragon, kayo ay tatayo sa gitna ng di-mabilang na tao bilang patunay ng Aking tagumpay. Kayo ay magiging matatag at di-natitinag sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang Aking mga pagpapala, at magsisinag kayo ng Aking liwanag ng kaluwalhatian sa loob ng buong sansinukob.
Marso 19, 1992