59. Ang Bunga ng Isang Matapat na Ulat

Ni Zhao Ming, Tsina

Noong Abril 2011, kinailangan kong pumalit sa isang pinunong nagngangalang Yao Lan sa isang iglesia sa ibang bahagi ng bansa. Noong nagpapalitan, habang ibinibigay sa akin ni Yao Lan ang buod ng sitwasyon sa iglesia, nabanggit niya na ang kanyang anak na babae na si Xiaomin ay isang diyakono ng pagdidilig, at na tutulungan niya akong maging pamilyar sa gawain sa iglesia. Hindi ko mapigilang humanga nang kaunti habang ipinapaliwanag niya ang lahat ng bagay sa napakaayos na paraan. Tila napakabuti ng pagpapalakad ni Yao Lan sa gawain ng iglesia at mayroon siyang kakayanan, kaya’t hindi nakapagtatakang nagagawa niya ngayong pangunahan ang napakalawak na gawain. Nagpasya ako sa aking sarili na bigyang-konsiderasyon ang kalooban ng Diyos at gawin ang lahat ng aking makakaya upang gawin nang mabuti ang gawain ng iglesia.

Kinabukasan, isinama ako ni Xiaomin sa isang pagpupulong ng mga pinuno ng pangkat. Pagkatapos naming basahin ang mga salita ng Diyos, nagbahagi ako ng kaunting karanasan ko na may kaugnayan dito at ang aking pagkaunawa. Pagkatapos ay hindi natutuwang sinabi ni Sister Xia, “Ang aming dating pinunong si Yao Lan ay hindi nagbahagi sa mga salita ng Diyos sa ganiyang paraan. Ipinapaliwanag niya sa amin ang bawat linya, sinasabi ang mga bagay na gaya ng ‘Ito’y pagpapalakas ng loob,’ at ‘Ito’y isang babala.’” Idinagdag pa ng ibang mga kapatid na napakaliwanag magbahagi ni Yao Lan tungkol sa katotohanan. Lubos akong nagtaka at inisip: “Hindi ba’t ang pagbabahagi sa mga salita ng Diyos ay pagsasalita tungkol sa ating mga sariling karanasan at pagkaunawa base sa Kanyang mga salita? Bakit hindi nagsasalita si Yao Lan tungkol sa kung paano niya isinasagawa at nararanasan ang mga salita ng Diyos? Bakit niya ipinapaliwanag sa mga kapatid ang bawat linya ng mga salita ng Diyos? Matutulungan ba silang maunawaan ang katotohanan at makilala ang kanilang mga sarili ng pagbabahagi sa ganoong paraan?” Nais kong talakayin ang mga prinsipyo ng pagbabahagi ng mga salita ng Diyos sa mga pagpupulong kasama nila, ngunit naisip ko: “Bago ako sa iglesiang ito at may pananagutan si Yao Lan sa aking gawain. Narito rin ang kanyang anak na si Xiaomin. Kung sasabihin ko na ang paraan ni Yao Lan ng pagbabahagi sa mga salita ng Diyos ay pagpapaliwanag lang sa literal na kahulugan at nakarating ito sa kanya, maaari niyang sabihin na sinisiraan ko siya pagkarating ko pa lang, at pag-isipan ako ng masama. Nakakahiya kapag nasaktan ko ang damdamin niya.” Kaya’t tumahimik na lang ako, at natapos na iyon.

Isang araw, ibinigay sa akin ni Sister Xiao ang isang liham nang hindi nalalaman ni Xiaomin. Sinabi sa liham na dati’y nagmungkahi siya kay Yao Lan, ngunit hindi ito tinanggap ni Yao Lan. Hindi lang iyon, nagsimula pa si Yao Lan na pigilan siya at ayaw na siyang bigyan ng tungkulin ng pagiging punong-abala. Nagulantang ako. Naisip ko: “Siguro’y mali si Sister Xiao. Paano magagawang apihin ni Yao Lan ang sinuman?” Pagkatapos ay hinanap ko si Xiaomin upang maunawaan ang sitwasyon. Sinabi ni Xiaomin na masigasig si Sister Xiao, ngunit madalas na hindi niya nauunawaan ang mga bagay-bagay. Nagpatuloy siya sa pagsasabi na kilalang kilala si Sister Xiao sa lugar nila bilang isang mananampalataya, na hindi ligtas ang kanyang tahanan, at na kulang siya sa karunungan para mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran sa tahanan. Marami siyang sinabing negatibo tungkol kay Sister Xiao. Naisip ko: “Kung totoo lahat ito, hindi talaga karapat-dapat si Sister Xiao para sa tungkulin ng pagiging punong-abala. Ngunit bakit niya sasabihin na inaapi siya ni Yao Lan? Marahil ay mayroon siyang sama ng loob kay Yao Lan.” Hindi pa rin ako mapalagay, kaya dinalaw ko si Sister Xiao sa kanyang tahanan. Natuklasan ko na ang kanyang tahanan ay medyo angkop para sa pagiging punong-abala, at hindi naman talaga siya kulang sa karunungan, kaya’t nagtaka ako. Inisip ko: “Paanong napakalayo ng mga bagay-bagay sa sinabi ni Xiaomin? Talaga bang inaapi ni Yao Lan si Sister Xiao?” Noong humingi ako ng dagdag na detalye kay Sister Xiao, napag-alaman ko na ginagamit na dahilan ni Yao Lan ang pangangailangan para sa isang ligtas na kapaligiran, na pinigilan niya ang ilang diyakono sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at dahil dito nawalan ng magdidilig sa mga kapatid. Hindi sila namumuhay ng normal na buhay iglesia. Noong binanggit ito ni Sister Xiao kay Yao Lan at sinabing hindi wasto ang kanyang pagsasaayos, hindi lamang tumanggi si Yao Lan na tanggapin ito, kundi binawi pa kay Sister Xiao ang kanyang tungkulin. Itinago pa niya ang liham ni Sister Xiao na nag-uulat sa kanyang mga problema. Nabigla akong marinig ito. Paano mangyayari iyon? Malinaw na mali si Yao Lan, ngunit hindi niya tinanggap ang sinabi ni Sister Xiao, at niyurakan pa siya at pinigilan ang kanyang liham. Talagang hindi siya isang taong tumatanggap ng katotohanan! Muli kong naisip kung paanong hindi siya nagsasalita tungkol sa sarili niyang mga karanasan at pagkaunawa kapag nagbabahagi siya sa mga salita ng Diyos, kundi kinukuha ang mga salita ng Diyos nang wala sa konteksto at inililigaw ang mga kapatid. Lubos niyang nilabag ang mga prinsipyo ng pagbabahagi sa mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na baka mayroon siyang tunay na problema at kailangan ko itong iulat sa aming mga pinuno upang hindi maantala ang gawain ng bahay ng Diyos. Ngunit naisip ko: “Ayon sa sinabi ni Sister Xiao, mababa ang pagkatao ni Yao Lan. Pinamamahalaan niya sa kasalukuyan ang aking gawain, kaya’t kapag natuklasan niyang ako ang nag-ulat sa kanya, maaari niya akong apihin at tanggalin sa aking tungkulin.” Napabuntong hiningang nagpasya akong mas mabuti kung wala akong sasabihin, ngunit nagpasya rin akong isaayos ang pagpapatuloy ni Sister Xiao sa tungkulin ng pagiging punong-abala.

Hindi ko inaasahan, pagkalipas ng ilang araw, iniulat din sa akin ni Sister Chen ang ilan sa masasamang ginagawa ni Yao Lan. Sinabi niya na si Brother Wang at ang kanyang asawa ay mga bagong hikayat at natatakot sila dahil sa mga panghuhuli at pang-uusig ng Chinese Communist Party, kaya’t hindi sila naglakas-loob na tumanggap ng tungkulin ng pagiging punong-abala. Hindi lang hindi nagbahagi si Yao Lan tungkol sa katotohanan para matulungan sila, kundi pinagalitan pa sila at pinigilan ang sinumang gustong sumuporta sa kanila. Sa huli, nalugmok si Brother Wang at ang kanyang asawa sa pagiging negatibo at ayaw na dumalo sa mga pagpupulong. Noong sinabihan ni Sister Chen si Yao Lan na hindi dapat ganito tratuhin ang mga kapatid, hindi siya nagnilay-nilay sa kanyang sarili, kundi nag-imbento ng kuwento tungkol sa pagkakakompromiso ng seguridad ni Sister Chen. Pagkatapos ay inihiwalay niya si Sister Chen sa iglesia ng ilang buwan, hindi siya pinahihintulutang makilahok sa buhay iglesia. Mayroon pang isang sister na gumaganap sa tungkulin ng pagdidilig. Sa mga pagpupulong, isinasama niya ang mga salita ng Diyos sa kanyang pagbabahagi at lubusang nagiging bukas at matapat sa kung anong mga tiwaling disposisyon ang kanyang inilalantad. Sinamantala ni Yao Lan ang pagkakataon na ito para tanggalin siya sa tungkulin. Pagkatapos ay iniangat niya ang sarili niyang anak na si Xiaomin sa tungkulin ng pagdidilig at sinabihan ang mga kapatid na sanayin nang mabuti ang kanyang anak, dahil magkakaroon siya ng mahahalagang tungkulin sa bahay ng Diyos sa hinaharap. Itinaas din ni Yao Lan ang kanyang asawa sa pagiging pinuno ng pangkat, samantalang sa katunayan ay hindi siya isang tunay na mananampalataya, at hindi kayang magbahagi ng anumang may kahalagahan sa mga pagpupulong. Kumilos si Yao Lan sang-ayon sa emosyon at hinatak ang kanyang asawa papasok sa iglesia, pagkatapos ay binigyan siya ng tungkulin ng pagiging pinuno ng pangkat—napakalaking paglabag nito sa mga atas administratibo. At hindi natapos doon ang kanyang masasamang gawa. Pinamahalaan ni Yao Lan at ng kanyang anak na babae ang iglesia na parang mga hari, inaapi at pinag-uutusan ang mga kapatid sang-ayon sa kanilang kagustuhan, hanggang sa makita pa lamang siya ay natatakot na sila at walang naglalakas-loob na magbigay ng opinyon. Habang pinapakinggan ko si Sister Chen, ako’y nagugulantang at nagagalit. Sa simula, noong ibigay sa akin ni Yao Lan ang kanyang gawain, humanga ako sa kanya noong sinabi niyang tumatakbong mabuti ang buong gawain. Ngunit kasinungalingan lahat iyon. Hindi lamang niya binabanggit nang wala sa konteksto ang mga salita ng Diyos sa panahon ng pagbabahagi at inililigaw ang ilang mga kapatid sa pamamagitan ng pangangaral ng mga titik at doktrina, tinamasa din niya ang mga biyaya ng kanyang posisyon at sinupil ang mga kapatid. Umabot pa siya sa pamamahala sa iglesia sa paraang mapaniil, upang apihin ang iba ayon sa kanyang kagustuhan, at tanggalin ang mga tao sa kanilang tungkulin. Itinataas niya at pinapangalagaan iyong malalapit sa kanya, at nagsasagawa ng nepotismo. Ipinapakita ng ugali niyang walang habas at walang ingat, at ng marami niyang masasamang gawain na siya’y isang anticristong wala nang pag-asang magbago! Ngayong higit na malawak ang sakop ng kanyang gawain, tiyak na mas maraming mga kapatid ang mapipinsala. Alam kong kailangan ko siyang iulat sa isang nasa mas mataas na tungkulin sa lalong madaling panahon at itaguyod ang gawain ng iglesia. Subalit noong pinag-iisipan ko ang tungkol sa pag-uulat sa kanya, nagsimula akong mag-alala: “Si Yao Lan ang namamahala sa gawain ko. Kapag nalaman niyang ako ang nag-ulat sa kanya, dahil alam ko kung paano siya kumilos, malamang ay tatanggalin niya ako sa aking tungkulin bilang pinuno ng iglesia at pauuwiin ako. Baka makahanap pa siya ng dahilan para apihin at parusahan ako. Magiging napakahirap ng buhay ko. Paano kung mapatalsik ako sa iglesia? Kapag nagkagayon ay magwawakas na ang paglalakbay ko sa pananampalataya sa Diyos. Kailangan kong maging makatotohanan. Aayusin ko muna ang gawain ng iglesia, pagkatapos ay tingnan natin.” At sa gayon, upang protektahan ang aking sarili, nagpasya akong huwag siyang iulat at ilantad. Ngunit noong sumunod na pagpupulong, nakita ko ang mga umaasang tingin sa mukha ng mga inaaping kapatid. Nakadama ako ng lubos na pagkabahala at inusig ako ng aking konsiyensiya. Bukod dito, noong marinig ko silang sinasabi kung paano lumilibot sa iglesia si Xiaomin na itinataas ang kakayanan ni Yao Lan na magbahagi sa katotohanan, at pinipilit niya at pinapangaralan ang mga kapatid sa paraang nangmamaliit, lalo akong nagalit. Naisip ko: “Kailangan kong iulat ang kasamaang ginagawa nina Yao Lan at Xiaomin sa isang nasa mataas na tungkulin. Hindi ko sila maaaring pahintulutang gumawa ng masama at apihin ang mga kapatid sang-ayon sa kanilang kagustuhan.” Kaya’t isinulat ko ang lahat ng sinabi sa akin ng mga kapatid tungkol sa kanila. Ngunit pagkatapos ng pagtitipon, nakadama na naman ako ng pagdadalawang-isip: Ano ang parusang gagawin ni Yao Lan sa akin kapag nalaman niya ito? Ngunit hindi ba ako gumagawa ng masama kung piliin kong protektahan ang aking sarili at hindi ilantad ang dalawang ito? Nasa pagitan ako ng isang bato at isang matigas na bagay at labis akong naguguluhan na halos hindi na ako makahinga. Lumuhod ako at nanalangin sa Diyos nang umiiyak, sinasabing, “Mahal kong Diyos, nais kong iulat si Yao Lan at ang kanyang anak na babae sa aking mga pinuno, ngunit natatakot akong paghihigantihan nila ako. O Diyos, gabayan po Ninyo akong makalaya sa panunupil ng mga puwersa ng kadiliman, at magsagawa ng katotohanan at itaguyod ang gawain ng iglesia.”

Pagkatapos ng aking panalangin, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Lahat kayo’y nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba talaga ang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong mo sa iyong sarili: Ikaw ba’y isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Makakapagsagawa ka ba ng katuwiran para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba’y may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapapahintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matupad sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahalagang sandali? Ikaw ba’y taong gumaganap sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mo silang isipin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). Hiyang-hiya ako sa aking sarili noong mabasa ko ang mga paghahayag na ito sa mga salita ng Diyos. Nananampalataya ako sa Diyos, ngunit walang lugar ang Diyos sa aking puso. Hindi ko siniseryoso ang ibinigay na gawain ng Diyos, at tanging mga pansariling kapakanan ko lang ang iniisip ko sa harap ng mga problema. Hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng bahay ng Diyos. Malinaw na natuklasan kong ipinapaliwanag ni Yao Lan ang mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga ito nang wala sa konteksto, na naghahari-harian siya sa iglesia, at pinaparusahan at inaapi niya ang mga kapatid. Upang maitaas iyong mga pinakamalapit sa kanya at pagtibayin ang kanyang puwersa, tinatanggal niya ang mga tao mula sa kanilang mga tungkulin ayon sa sarili niyang kagustuhan, lubos na ginagambala at hinahadlangan ang buhay iglesia at pinipilit at pinipinsala ang mga kapatid. Lalo pa ngayong lumawak ang sakop ng kanyang gawain. Nasa posisyon siya upang lalo pang makapinsala sa mas maraming mga kapatid. Ngunit kinatakutan ko ang katayuan at impluwensiya ni Yao Lan, takot na maapi at matanggal niya, na mawala ang aking posisyon at mga pagkakataon sa hinaharap, at sa paghihiganti niya at ng kanyang anak na babae, kaya’t hindi ako nanindigan sa mga prinsipyo at iniulat sila. At sa gayon, mulat ang mga matang pinagmasdan ko habang naghuhuramentado ang mga anticristo sa iglesia. Inaapi ang mga kapatid at napipinsala ang kanilang mga buhay, ngunit hindi pa rin ako nangahas na manindigan at ilantad si Satanas. Ako’y napakasama, makasarili, at kasuklaam-suklam na tao! Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan. Ang kamandag ni Satanas ay dumadaloy sa dugo ng bawat tao, at makikita na ang kalikasan ng tao ay tiwali, masama, at radikal, puno ng at lubos na nakalubog sa mga pilosopiya ni Satanas—ito, sa kabuuan nito, ay isang likas na pagkatao na nagtataksil sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nilalabanan at sinasalungat ng mga tao ang Diyos(“Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung tatanungin mo ang ilang masamang tao kung bakit sila gumawa ng kasamaan, sasagot sila: ‘Dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Maaari silang gumawa ng mga bagay-bagay para sa ganito at ganoong layunin, ngunit ginagawa lamang nila iyon para sa kanilang sarili. Iniisip ng lahat ng tao na dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili at bahala na ang iba, dapat mabuhay ang mga tao para sa sarili nilang kapakanan, at gawin ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng magandang posisyon alang-alang sa pagkain at marangyang pananamit. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na pagkatao. Ang mga salitang ito ang mismong lason ni Satanas, at kapag isinapuso ito ng mga tao, nagiging kalikasan na nila ito. Ang kalikasan ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kinakatawan ng mga ito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy nang pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ako’y naging tiwali at niyurakan ni Satanas, at maging ang aking mga buto at dugo ay napuno at pinasukan ng mga satanikong lason, pilosopiya, at mga atas, hanggang ako mismo ay nagiging lalong masama at makasarili. Nabubuhay ako sa pamamagitan ng mga satanikong lason ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Kapag alam mong may mali, tumahimik ka na lang,” at “Matitinong tao’y mabuti’t maingat sa sarili, tanging hangad nila’y hindi magkamali.” Naging baluktot na ang aking mga kaisipan at masasama ang aking mga pagpapahalaga at pananaw sa buhay. Pinahalagahan ko ang aking sariling kapakanan, ang aking mga pagkakataon sa hinaharap, at ang aking tadhana bilang mas mahalaga kaysa ano pa mang ibang bagay. Nang makita si Yao Lan at ang kanyang pangkat ng masasamang puwersa ng anticristo na pinipinsala ang mga kapatid sa iglesia, nakumbinsi akong kailangan ko silang ilantad at iulat. Ngunit dahil natakot akong maapi at matanggal sa aking posisyon at mga pagkakataon sa hinaharap, hindi ako nangahas na gawin ito kahit gaano pa ang aking pagpapakasakit dito. Kaya’t pinahintulutan ko ang mga anticristo na gambalain ang iglesia at nagpaubaya ako dahil sa pakinabang, hindi nangangahas na bumigkas ni isa mang salitang walang kinikilingan. Napagtanto kong ako’y nakagapos nang napakahigpit at natatanikalaan ng mga lason ni Satanas, na ako’y naging kasapakat nito, utusang aso nito; kasuklam-suklam ito para sa Diyos, at hindi ako karapat-dapat na mamuhay sa Kanyang harapan. Natamasa ko ang mga taon ng gawain at paggabay ng Diyos, at itinaas Niya ako upang magampanan ko ang aking tungkulin bilang isang pinuno ng iglesia. Ngunit hindi ko alam kung paano ito pahahalagahan at hindi inisip kung paano pangangalagaan ang mga kapatid o itataguyod ang gawain ng bahay ng Diyos. Nabubuhay ako na lubos na nababalot ng aking mga makasariling pagnanasa, wala ni katiting na dignidad o integridad. Nabigo akong panindigan ang pagtitiwalang ibinigay sa akin ng mga kapatid, at higit pa riyan, nabigo akong panindigan ang ibinigay na gawain sa akin ng Diyos. Sa isiping ito, kinamuhian ko ang aking sarili sa aking pagiging makasarili at masama at bumigkas ako ng isang panalangin sa Diyos, nakahandang magsisi. Hiniling ko sa Diyos na bigyan ako ng kalakasan at gabayan ako na makatakas sa madidilim na impluwensiyang ito at maisagawa ang katotohanan.

Pagkatapos noo’y nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang disposisyon ng Diyos ay nabibilang sa Tagapamahala ng lahat ng bagay at mga buhay na nilalang, sa Panginoon ng lahat ng nilikha. Kumakatawan ang disposisyon Niya sa karangalan, kapangyarihan, pagkamaharlika, kadakilaan, at higit sa lahat, sa kataas-taasang kapangyarihan. Ang disposisyon Niya ay ang sagisag ng awtoridad, ang sagisag ng lahat ng matuwid, ang sagisag ng lahat ng marikit at mabuti. Higit pa riyan, isa itong sagisag Niya na hindi maaaring[a] madaig o masalakay ng kadiliman at ng anumang puwersa ng kaaway, at sagisag rin Niya na hindi maaaring masaktan (ni hindi rin Siya nagpaparayang masaktan)[b] ng sinumang nilikha. Ang disposisyon Niya ang sagisag ng pinakamataas na kapangyarihan. Walang tao o mga tao na kaya o maaari na manggambala sa gawain Niya o disposisyon Niya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na naghahari ang Diyos sa lahat ng bagay, na sagisag ng pinakamataas na awtoridad ang Kanyang disposisyon, at walang puwersa ng kaaway o puwersa ng kadiliman na makalalaban dito. Palalayasin ng Diyos mula sa iglesia ang lahat ng nakagagambalang puwersa ng kasamaan at lubos silang aalisin. Ito ang direksiyon ng gawain ng Diyos at ito’y realidad na tiyak na tutuparin ng Diyos. Pinamumunuan ni Yao Lan ang iglesia na tulad ng isang pinunong mapaniil, kinokontrol at inaapi ang mga kapatid, habang pinagyayaman iyong pinakamalapit sa kanya at nagtatayo ng sarili niyang kaharian. Ginambala at pinanghimasukan niya ang gawain ng Diyos, gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at labis na nagkasala sa disposisyon ng Diyos. Isa siyang demonyong anticristo na hindi magtatagal ay palalayasin mula sa iglesia. Naisip ko kung paanong pinalayas dati ng bahay ng Diyos ang napakaraming masasamang tao at mga anticristo: Gaano man sila kabagsik, magtatagumpay lang sila ng sandali, at sa huli ay hindi nila matatakasan ang parusa ng Diyos. Hindi ba ito ang pagiging matuwid ng Diyos? Gayunman, hindi ko naunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos, at hindi nagtiwala sa katotohanan na sa bahay ng Diyos, nangingibabaw ang katotohanan at pagiging matuwid, na ang Diyos ang naghahari. Tiningnan ko ang bahay ng Diyos na tila ba ito’y kagaya lang ng mundo, na para bang makokontrol ang aking kapalaran ng sinumang may katayuan at kapangyarihan, at kung magalit sa akin sina Yao Lan at ang kanyang anak na babae, akala ko’y mawawala sa akin ang aking pagkakataon at patutunguhan sa hinaharap. Natatakot pa nga akong paghihigantihan nila—hindi ako nagtiwala sa paghahari ng Diyos sa lahat. Kahiya-hiya sa Diyos ang ganitong uri ng pananampalataya! Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos pagkatapos noon: “Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa mga impluwensya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapamuhay alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang mga gapos ng impluwensya ng kadiliman. Ang mabuhay sa tamang kalagayan ay ang mabuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng pagiging matapat sa Diyos, ang mabuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mabuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mabuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga nabubuhay sa ganitong mga kalagayan at ayon sa realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at magbabago sila habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tumakas Mula sa Impluwensya ng Kadiliman, at Kakamtin Ka ng Diyos). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas. Kung nais kong makalaya sa mga tanikala ng madilim na impluwensiya ni Satanas, kailangan kong gumawa alinsunod sa mga salita ng Diyos. Kailangan kong bitiwan ang sarili kong personal na kapakanan at kaisipan tungkol sa aking hinaharap, magsagawa ng katotohanan, ilantad at iulat iyong mga anticristo, at itaguyod ang gawain ng bahay ng Diyos. Kahit na ako’y matanggal sa aking tungkulin at mawala ang aking posisyon at mga pagkakataon, kailangan kong manatili sa mga katotohanang prinsipyo. Noong maunawaan ko ito, natagpuan ko ang aking kalakasan, at sumulat ako ng liham sa aking mga pinuno na iniuulat sina Yao Lan at Xiaomin.

Pagkalipas ng ilang araw, tinipon ng mga pinuno ang lahat ng mga kapatid upang tuklasin ang mga katunayan ng masasamang gawa nina Yao Lan at Xiaomin. Alinsunod sa mga prinsipyo, tinanggal sina Yao Lan, ang kanyang asawa, at si Xiaomin mula sa kanilang mga tungkulin. Hindi nagnilay-nilay sina Yao Lan at ang kanyang anak na babae o sumubok na kilalanin ang kanilang sarili, sa halip ay dinalaw nila ang mga kapatid sa kanilang mga tahanan, nagkukunwaring nagsisisi, at itinatangis kung paanong trinato sila ng masama sa pagsisikap na linlangin ang mga kapatid. Lubos silang hindi nagsisisi, at sa huli, dahil sa kanilang masasamang gawa, sila’y nakumpirmang mga anticristo at manggagawa ng masama na gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan, at tinanggal sa iglesia. Nagbalik sa normal ang buhay iglesia, nagpalakpakan at nagalak ang mga kapatid, at pinuri ng lahat ang pagiging matuwid at kabanalan ng Diyos. Nakatulong ito sa akin na makita nang mas malinaw na nangingibabaw sa bahay ng Diyos ang pagiging matuwid at ang katotohanan, na naghahari si Cristo doon, at, gaano man kasama at kapalasak ang masasamang puwersa ng anticristo, hindi nito magagapi ang awtoridad ng Diyos o magagambala ang gawain ng Diyos, lalo na ang kontrolin ang tadhana ng sinuman. Tulad lang sila ng mga piyesa ng chess sa kamay ng Diyos, mga kagamitan na makatutulong sa mga hinirang ng Diyos para magkaroon ng pagkaunawa ng mabuti at masama. Pinahihintulutan ng kanilang mga pagganap na makita ng iba kung sino talaga ang mga anticristo at masasamang tao, upang hindi sila mailigaw. Sa pamamagitan ng karanasan na ito ng pag-uulat sa mga anticristong ito, ang kaliwanagan, gabay, at pangunguna ng Diyos ang nagbigay lakas sa akin upang makalaya sa mga puwersa ng kadiliman at magsagawa ng katotohanan. Nagkaroon ako ng kapahingahan at kapayapaan sa aking puso, at nakadama na ang pagkilos nang ganito ang tanging paraan upang mabuhay na may dignidad at integridad; nakadama ako ng kalayaan. Ito ang bunga ng pagsusulat ng tapat na ulat.

Lahat ng kaluwalhatian para sa Makapangyarihang Diyos! Amen!

Mga Talababa:

a. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “ito ay simbolo ng pagiging walang kakayahang maging.”

b. Ang nakasaad sa orihinal na teksto ay “pati na rin bilang isang sagisag ng pagiging hindi nagagawang masaktan (at hindi nagpaparayang masaktan).”

Sinundan: 58. Paglantad sa isang Huwad na Lider: Isang Personal na Pakikibaka

Sumunod: 60. Ang Diyos ay Napakamatuwid

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito