Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Kailangan ninyong malaman ang mga pangitain ng gawain ng Diyos at maintindihan ang pangkalahatang direksyon ng Kanyang gawain. Ito ay positibong pagpasok. Kapag naisaulo na ninyo nang tumpak ang katotohanan ng mga pangitain, magiging sigurado ang iyong pagpasok; paano man magbago ang gawain ng Diyos, mananatiling matatag ang iyong puso, magiging malinaw sa iyo ang mga pangitain, at magkakaroon ng layunin ang iyong pagpasok at iyong pinagsisikapan. Sa ganitong paraan, lahat ng karanasan at kaalaman sa iyong kalooban ay mas lalalim at magiging mas detalyado. Kapag naintindihan mo na ang mas malaking larawan sa kabuuan nito, hindi ka daranas ng anumang mga kawalan sa buhay, ni hindi ka maliligaw ng landas. Kung hindi mo malalaman ang mga hakbang na ito ng gawain, daranas ka ng kawalan sa bawat hakbang, at aabutin ka ng ilang araw para makabawi, ni hindi mo magagawang tumahak sa tamang landas kahit sa loob ng dalawang linggo. Hindi ba ito magsasanhi ng mga pagkaantala? Napakaraming hadlang sa positibong pagpasok at pagsasagawang kailangan mong maisaulo. Patungkol sa mga pangitain ng gawain ng Diyos, kailangan mong maintindihan ang sumusunod na mga punto: ang kahalagahan ng Kanyang gawain ng panlulupig, ang landas tungo sa pagiging perpekto sa hinaharap, ano ang kailangang makamtan sa pamamagitan ng pagdanas ng mga pagsubok at pagdurusa, ang kabuluhan ng paghatol at pagkastigo, ang mga prinsipyo sa likod ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang mga prinsipyo sa likod ng pagiging perpekto at paglupig. Lahat ng ito ay nabibilang sa katotohanan ng mga pangitain. Ang iba pa ay ang tatlong yugto ng gawain sa Kapanahunan ng Kautusan, sa Kapanahunan ng Biyaya, at sa Kapanahunan ng Kaharian, gayundin sa patotoo sa hinaharap. Ang mga ito ay katotohanan din tungkol sa mga pangitain, at ang mga ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalaga rin. Sa kasalukuyan, napakarami ninyong dapat pasukin at isagawa, at mas patung-patong ito at mas detalyado. Kung wala kang walang kaalaman tungkol sa mga katotohanang ito, pinatutunayan nito na hindi ka pa nakakapasok. Kadalasan, ang kaalaman ng tao tungkol sa katotohanan ay napakababaw; hindi nila maisagawa ang ilang pangunahing katotohanan at hindi nila alam kung paano harapin maging ang walang-kuwentang mga bagay. Hindi naisasagawa ng mga tao ang katotohanan dahil suwail ang kanilang disposisyon, at dahil ang kanilang kaalaman tungkol sa gawain sa ngayon ay napakababaw at may pinapanigan. Sa gayon, hindi madaling gawing perpekto ang mga tao. Napakasuwail mo, at pinananaig mo ang dati mong pagkatao; hindi ka makapanindigan sa panig ng katotohanan, at hindi mo maisagawa kahit ang pinakamaliwanag sa mga katotohanan. Ang gayong mga tao ay hindi maililigtas at sila yaong hindi pa nalupig. Kung ang iyong pagpasok ay walang detalye ni mga layunin, magiging mabagal ang paglago para sa iyo. Kung wala ni katiting na realidad sa iyong pagpasok, ang iyong pinagsisikapan ay mawawalan ng kabuluhan. Kung hindi mo alam ang diwa ng katotohanan, hindi ka magbabago. Ang paglago sa buhay ng tao at mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay nakakamtan sa pagpasok sa realidad at, bukod pa riyan, sa pamamagitan ng pagpasok sa detalyadong mga karanasan. Kung marami kang detalyadong karanasan sa iyong pagpasok, at marami kang aktwal na kaalaman at pagpasok, mabilis na magbabago ang iyong disposisyon. Kahit hindi ka pa ganap na nalilinawan, sa kasalukuyan, tungkol sa pagsasagawa, kailangan mong malinawan man lamang ang mga pangitain ng gawain ng Diyos. Kung hindi, hindi ka makakapasok; posible lamang ang pagpasok kapag mayroon kang kaalaman tungkol sa katotohanan. Kung nililiwanagan ka ng Banal na Espiritu sa iyong karanasan, saka ka lamang magtatamo ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at makakapasok nang mas malalim. Kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos.

Sa simula, pagkaraan ng paglikha sa sangkatauhan, ang mga Israelita ang nagsilbing batayan ng gawain ng Diyos. Ang buong Israel ang naging batayan ng gawain ni Jehova sa lupa. Ang gawain ni Jehova ay upang direktang akayin at gabayan ang tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga batas, upang ang tao ay makapamuhay nang normal at sumamba kay Jehova sa normal na paraan sa lupa. Ang Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi nakikita ni nahihipo ng tao. Dahil lahat ng Kanyang ginawa ay upang gabayan ang pinakaunang mga taong ginawang tiwali ni Satanas, na tinuturan at inaakay sila, ang Kanyang mga salita ay walang ibang naging laman kundi mga batas, kautusan, at pamantayan ng pag-uugali ng tao, at hindi ibinigay sa kanila ang mga katotohanan ng buhay. Ang mga Israelita sa ilalim ng Kanyang pamumuno ay di-gaanong nagawang tiwali ni Satanas. Ang Kanyang gawain ng kautusan ay pinakaunang yugto lamang sa gawain ng pagliligtas, ang pinakasimula ng gawain ng pagliligtas, at wala talagang kinalaman sa mga pagbabago sa disposisyon sa buhay ng tao. Samakatuwid, hindi kinailangan sa simula ng gawain ng pagliligtas na Siya ay magkatawang-tao para sa Kanyang gawain sa Israel. Ito ang dahilan kaya Niya kinailangan ng isang daluyan—isang kasangkapan—na magagamit upang makipag-ugnayan sa tao. Sa gayon, lumitaw sa kalagitnaan ng mga nilalang yaong mga nangusap at gumawa sa ngalan ni Jehova, kung paanong ang mga anak ng tao at ang mga propeta ay nakagawa sa tao. Ang mga anak ng tao ay gumawa sa tao sa ngalan ni Jehova. Ang matawag ni Jehova na “mga anak ng tao” ay nangangahulugan na ang gayong mga tao ay nagpahayag ng mga batas sa ngalan ni Jehova. Mga saserdote rin sila sa mga tao ng Israel, mga saserdoteng binantayan at pinrotektahan ni Jehova, at sa kanila gumawa ang Espiritu ni Jehova; sila ang mga pinuno sa mga tao at tuwirang naglingkod kay Jehova. Ang mga propeta, sa kabilang dako naman, ay nakatuon sa pagsasalita, sa ngalan ni Jehova, sa mga tao mula ng lahat ng lupain at tribo. Sila rin yaong mga nagpropesiya sa gawain ni Jehova. Mga anak man sila ng tao o mga propeta, lahat ay ibinangon ng Espiritu ni Jehova Mismo at nasa kanila ang gawain ni Jehova. Sa mga tao, sila yaong mga tuwirang kumatawan kay Jehova; ginawa lamang nila ang kanilang gawain dahil ibinangon sila ni Jehova at hindi dahil nagkatawang-tao sa kanila ang Banal na Espiritu Mismo. Samakatuwid, bagama’t pareho silang nagsasalita at gumagawa sa ngalan ng Diyos, yaong mga anak ng tao at yaong mga propeta sa Kapanahunan ng Kautusan ay hindi ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at ang huling yugto ay ang kabaligtaran mismo, sapagkat ang gawain ng pagliligtas at paghatol sa tao ay kapwa isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao Mismo, kaya nga talagang hindi na kailangang minsan pang magbangon ng mga propeta at ng mga anak ng tao upang gumawa sa ngalan Niya. Sa mga mata ng tao, walang malalaking pagkakaiba sa pagitan ng diwa at pamamaraan ng kanilang gawain. At sa ganitong kadahilanan kaya laging napagkakamalan ng tao ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao na gawain ng mga propeta at ng mga anak ng tao. Ang pagpapakita ng Diyos na nagkatawang-tao ay halos kapareho ng sa mga propeta at sa mga anak ng tao. At ang Diyos na nagkatawang-tao ay mas normal at mas totoo pa nga kaysa sa mga propeta. Sa gayon, ang tao ay walang kakayahang matukoy ang pagkakaiba nila. Ang tao ay nagtutuon lamang sa mga anyo, na lubos na hindi namamalayan na, kahit pareho silang gumagawa at nagsasalita, may malaking pagkakaiba sa pagitan nila. Dahil napakaliit ng kakayahan ng tao na matukoy ang pagkakaiba nila, hindi niya kayang makatukoy sa pagitan ng mga simpleng isyu, lalo na sa isang bagay na napakakumplikado. Nang magsalita at gumawa ang mga propeta at ang mga taong iyon na kinasangkapan ng Banal na Espiritu, iyon ay upang isagawa ang mga tungkulin ng tao, upang maglingkod sa tungkulin ng isang nilalang, at iyon ay isang bagay na kailangang gawin ng tao. Gayunman, ang mga salita at gawain ng Diyos na nagkatawang-tao ay ang isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Bagama’t ang Kanyang panlabas na anyo ay sa isang nilalang, ang Kanyang gawain ay hindi upang isagawa ang Kanyang tungkulin kundi ang Kanyang ministeryo. Ang katagang “tungkulin” ay ginagamit patungkol sa mga nilalang, samantalang ang “ministeryo” ay ginagamit patungkol sa laman ng Diyos na nagkatawang-tao. May isang mahalagang pagkakaiba sa pagitan ng dalawa; hindi sila maaaring pagpalitin. Ang gawain ng tao ay gawin lamang ang kanyang tungkulin, samantalang ang gawain ng Diyos ay mamahala, at isakatuparan ang Kanyang ministeryo. Samakatuwid, bagama’t maraming apostol ang kinasangkapan ng Banal na Espiritu at maraming propeta ang napuspos sa Kanya, ang kanilang gawain at mga salita ay para lamang gampanan ang kanilang tungkulin bilang mga nilalang. Ang kanilang mga propesiya ay maaaring higit pa sa daan ng buhay na binanggit ng Diyos na nagkatawang-tao, at ang kanilang pagkatao ay maaaring higit pa kaysa sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit ginawa pa rin nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila nagsagawa ng isang ministeryo. Ang tungkulin ng tao ay tumutukoy sa tungkulin ng tao; iyon ang kayang makamtan ng tao. Gayunman, ang ministeryong isinagawa ng Diyos na nagkatawang-tao ay may kaugnayan sa Kanyang pamamahala, at hindi ito kayang makamtan ng tao. Nagsasalita man ang Diyos na nagkatawang-tao, gumagawa, o nagpapakita ng mga himala, gumagawa Siya ng dakilang gawain sa gitna ng Kanyang pamamahala, at ang gayong gawain ay hindi magagawa ng tao bilang kahalili Niya. Ang gawain ng tao ay ang gawin lamang ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang sa isang partikular na yugto ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung wala ang pamamahala ng Diyos, ibig sabihin, kung mawawala ang ministeryo ng Diyos na nagkatawang-tao, mawawala rin ang tungkulin ng isang nilalang. Ang gawain ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang ministeryo ay ang pamahalaan ang tao, samantalang ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay pagtupad sa kanyang sariling obligasyon na tugunan ang mga hinihiling ng Lumikha, at hindi maituturing sa anumang paraan na pagsasagawa ng ministeryo ng isang tao. Sa likas na diwa ng Diyos—sa Kanyang Espiritu—ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang pamamahala, ngunit sa Diyos na nagkatawang-tao, na suot ang panlabas na anyo ng isang nilalang, ang Kanyang gawain ay ang pagsasagawa ng Kanyang ministeryo. Anumang gawain ang Kanyang ginagawa ay upang isagawa ang Kanyang ministeryo; ang tanging magagawa ng tao ay gawin ang kanyang makakaya sa loob ng saklaw ng pamamahala ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang patnubay.

Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat. Kung hindi kayang ipahayag ng mga tao ang nararapat nilang ipahayag habang naglilingkod o makamit kung ano ang likas na posible para sa kanila, at sa halip ay nagbibiru-biruan at gumagawa lamang para matapos na, naiwala na nila ang tungkuling dapat taglayin ng isang nilalang. Ang gayong mga tao ay kilala bilang “mga walang-kabuluhan”; sila ay mga walang-silbing yagit. Paano matatawag nang wasto na mga nilalang ang gayong mga tao? Hindi ba mga tiwali silang nilalang na maningning sa labas ngunit bulok sa loob? Kung tinatawag ng isang tao ang kanyang sarili na Diyos subalit hindi niya magawang ipahayag ang katauhan ng pagka-Diyos, gawin ang gawain ng Diyos Mismo, o katawanin ang Diyos, walang-dudang hindi siya Diyos, sapagkat wala siyang diwa ng Diyos, at yaong likas na nakakamit ng Diyos ay hindi umiiral sa kanyang kalooban. Kung mawala sa tao ang likas na makakamit niya, hindi na siya maituturing na tao, at hindi siya karapat-dapat na tumayo bilang isang nilalang o humarap sa Diyos at paglingkuran Siya. Bukod pa riyan, hindi siya karapat-dapat na tumanggap ng biyaya ng Diyos o mabantayan, maprotektahan, at magawang perpekto ng Diyos. Maraming hindi na pinagtiwalaan ng Diyos ang tuluyan nang nawalan ng biyaya ng Diyos. Hindi lamang nila hindi kinasusuklaman ang kanilang mga pagkakamali, kundi tahasan nilang ipinalalaganap ang ideya na ang daan ng Diyos ay mali, at yaong mga suwail ay ikinakaila pa ang pag-iral ng Diyos. Paano magkakaroon ng karapatan ang gayong mga tao, na nagtataglay ng gayong pagkasuwail, na matamasa ang biyaya ng Diyos? Yaong mga hindi gumagawa ng kanilang tungkulin ay napakasuwail sa Diyos, at malaki ang pagkakautang sa Kanya, subalit tumatalikod sila at ipinangangalandakan na mali ang Diyos. Paano magiging karapat-dapat ang gayong uri ng tao na magawang perpekto? Hindi ba sa kanila magsisimula ang pag-aalis at pagpaparusa? Ang mga taong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin sa harap ng Diyos ay nagkasala na ng pinaka-kahindik-hindik na krimen, kung saan kahit kamatayan ay hindi sapat na kaparusahan, subalit may gana pa silang makipagtalo sa Diyos at makipagtagisan sa Kanya. Ano ang halaga ng gawing perpekto ang gayong mga tao? Kung nabibigo ang mga tao na tuparin ang kanilang tungkulin, dapat silang surutin ng kanilang budhi at makadama ng pagkakautang; dapat nilang kasuklaman ang kanilang kahinaan at kawalang-silbi, ang kanilang pagkasuwail at pagkatiwali, at bukod pa riyan, dapat nilang ibigay ang kanilang buhay sa Diyos. Saka lamang sila magiging mga nilalang na tunay na nagmamahal sa Diyos, at ang gayong mga tao lamang ang karapat-dapat na magtamasa ng mga pagpapala at pangako ng Diyos, at magawa Niyang perpekto. At paano naman ang nakararami sa inyo? Paano ninyo tinatrato ang Diyos na namumuhay sa piling ninyo? Paano ninyo nagampanan ang inyong tungkulin sa Kanyang harapan? Nagawa ba ninyo ang lahat ng ipinagawa sa inyo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili ninyong buhay? Ano ang inyong naisakripisyo? Hindi ba marami kayong natanggap mula sa Akin? Nakakahiwatig ba kayo? Gaano kayo katapat sa Akin? Paano ninyo Ako napaglingkuran? At paano na ang lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo at nagawa para sa inyo? Nasuri na ba ninyo ang lahat ng ito? Nahusgahan na ba ninyong lahat at naikumpara ito sa kakatiting na konsensya sa inyong kalooban? Sino ang magiging karapat-dapat sa inyong mga salita at pagkilos? Karapat-dapat kaya ang napakaliit na sakripisyo ninyo sa lahat ng Aking naipagkaloob sa inyo? Wala Akong ibang magagawa at buong-puso na Akong naging tapat sa inyo, subalit nagkikimkim kayo ng masasamang layon at wala kayong interes sa Akin. Iyan ang lawak ng inyong tungkulin, ng inyong tanging tungkulin. Hindi ba ganito? Hindi ba ninyo alam na lubos kayong bigong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang? Paano kayo maituturing bilang isang nilalang? Hindi ba malinaw sa inyo ang inyong ipinapahayag at isinasabuhay? Nabigo kayong tuparin ang inyong tungkulin, ngunit hinahangad ninyong matamo ang pagpaparaya at saganang biyaya ng Diyos. Ang gayong biyaya ay hindi naihanda para sa mga walang-silbi at hamak na katulad ninyo, kundi para sa mga yaong walang hinihinging kapalit at malugod na nagsasakripisyo. Ang mga taong katulad ninyo, na mga walang kabuluhan, ay lubos na hindi karapat-dapat na matamasa ang biyaya ng langit. Hirap at walang-katapusang kaparusahan lamang ang makakasama ninyo sa araw-araw! Kung hindi ninyo kayang maging tapat sa Akin, ang inyong kapalaran ay magiging isang pagdurusa. Kung hindi ninyo kayang managot sa Aking mga salita at Aking gawain, ang kahihinatnan ninyo ay isang kaparusahan. Lahat ng biyaya, pagpapala, at kamangha-manghang buhay sa kaharian ay hindi magkakaroon ng kinalaman sa inyo. Ito ang katapusang nararapat na mapasainyo at ang bunga ng inyong sariling kagagawan! Hindi lamang hindi sinisikap ng mga mangmang at mayayabang ang kanilang makakaya, ni hindi nila ginagampanan ang kanilang tungkulin, nakalahad pa ang kanilang mga palad para sa biyaya, na para bang karapat-dapat sila sa kanilang hinihingi. At kung bigo silang matamo ang kanilang hinihingi, lalo pa silang nagiging hindi matapat. Paano maituturing na makatwiran ang gayong mga tao? Mahina ang inyong kakayahan at wala kayong katwiran, ganap kayong walang kakayahang tuparin ang tungkuling dapat ninyong gawin sa gawain ng pamamahala. Bumaba na ang inyong kahalagahan. Ang kabiguan ninyong suklian Ako sa pagpapakita sa inyo ng gayong biyaya ay isa nang pagpapakita ng sukdulang pagkasuwail, na sapat upang kayo ay isumpa at nagpapamalas ng inyong karuwagan, kawalan ng kakayahan, kababaan, at pagiging hindi karapat-dapat. Paano kayo nagkaroon ng karapatang patuloy na ilahad ang inyong mga kamay? Ang inyong mga pagkakamali at kabiguan ay hindi kayo makatulong ni katiting sa Aking gawain, hindi ninyo kayang maging matapat, at hindi kayo makatayong saksi para sa Akin, kundi sa halip ay tinutuligsa ninyo Ako, nagkakalat kayo ng mga kasinungalingan tungkol sa Akin, at nagrereklamo kayo na hindi Ako matuwid. Ito ba ang bumubuo sa inyong katapatan? Ito ba ang bumubuo sa inyong pagmamahal? Ano ang iba pang gawaing magagawa ninyo na higit kaysa rito? Paano kayo nakatulong sa lahat ng gawaing nagawa? Gaano kalaki ang inyong nagugol? Nagpakita na Ako ng malaking pagpaparaya dahil hindi Ko kayo sinisisi, subalit patuloy pa rin kayong hindi nahihiyang mangatwiran sa Akin at magreklamo tungkol sa Akin nang lihim. Mayroon ba kayong kahit katiting na bahid ng pagkamakatao? Bagama’t ang tungkulin ng tao ay nababahiran ng pag-iisip ng tao at ng kanyang mga kuru-kuro, kailangan mong gawin ang iyong tungkulin at ipakita ang iyong katapatan. Ang mga karumihan sa gawain ng tao ay isang isyu ng kanyang kakayahan, samantalang, kung hindi ginagawa ng tao ang kanyang tungkulin, nagpapakita ito ng kanyang pagkasuwail. Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay aalisin sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at isusumpa. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag.

Sa Kapanahunan ng Biyaya, sumambit din si Jesus ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain. Paano Siya naiba kay Isaias? Paano Siya naiba kay Daniel? Isa ba Siyang propeta? Bakit sinasabi na Siya si Cristo? Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan nila? Sila ay pawang mga taong sumambit ng mga salita, at ang kanilang mga salita humigit-kumulang ay mukhang magkakapareho sa tao. Lahat sila ay sumambit ng mga salita at gumawa ng gawain. Ang mga propeta ng Lumang Tipan ay sumambit ng mga propesiya, at gayundin, kaya iyon ni Jesus. Bakit ganito? Ang pagkakaiba rito ay batay sa likas na katangian ng gawain. Para mahiwatigan ang bagay na ito, huwag mong isaalang-alang ang likas na katangian ng laman, ni hindi mo dapat isaalang-alang ang kalaliman o kababawan ng kanilang mga salita. Kailangan mo palaging isaalang-alang muna ang kanilang gawain at ang mga epekto ng kanilang gawain sa tao. Ang mga propesiyang sinambit ng mga propeta sa panahong iyon ay hindi tinustusan ang buhay ng tao, at ang mga inspirasyong tinanggap ng mga katulad nina Isaias at Daniel ay mga propesiya lamang, at hindi ang daan ng buhay. Kung hindi dahil sa tuwirang paghahayag ni Jehova, walang sinumang makagagawa ng gawaing iyon, na hindi posible para sa mga mortal. Sumambit din si Jesus ng maraming salita, ngunit ang gayong mga salita ay ang daan ng buhay kung saan makasusumpong ang tao ng isang landas ng pagsasagawa. Ibig sabihin, una, maaari Niyang tustusan ang buhay ng tao, sapagkat si Jesus ang buhay; pangalawa, maaari Niyang baligtarin ang mga paglihis ng tao; pangatlo, ang Kanyang gawain ay maaaring sumunod sa gawain ni Jehova para ipagpatuloy ang kapanahunan; pang-apat, maaari Niyang maintindihan ang mga pangangailangan sa kalooban ng tao at maunawaan kung ano ang kulang sa tao; panlima, maaari Niyang pasimulan ang isang bagong kapanahunan at wakasan ang dati. Kaya nga Siya tinatawag na Diyos at Cristo; hindi lamang Siya iba kay Isaias kundi maging sa lahat ng iba pang mga propeta. Ikumpara natin si Isaias para sa gawain ng mga propeta. Una, hindi niya kayang tustusan ang buhay ng tao; pangalawa, hindi niya kayang magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Gumagawa siya noon sa ilalim ng pamumuno ni Jehova at hindi para magpasimula ng isang bagong kapanahunan. Pangatlo, ang mga salitang kanyang sinambit ay higit pa sa kaya niyang sambitin. Tuwiran siyang tumatanggap noon ng mga paghahayag mula sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito mauunawaan ng iba, kahit napakinggan nila ang mga ito. Ang ilang bagay na ito lamang ay sapat na upang patunayan na ang kanyang mga salita ay mga propesiya lamang, isang aspeto lamang ng gawaing ginawa sa ngalan ni Jehova. Gayunman, hindi niya kayang lubos na katawanin si Jehova. Siya ay lingkod ni Jehova, isang kasangkapan sa gawain ni Jehova. Ginagawa lamang niya ang gawain sa loob ng Kapanahunan ng Kautusan at sa loob ng saklaw ng gawain ni Jehova; hindi siya gumawa nang lampas pa sa Kapanahunan ng Kautusan. Bagkus, iba ang gawain ni Jesus. Nilagpasan Niya ang saklaw ng gawain ni Jehova; gumawa Siya bilang Diyos na nagkatawang-tao at ipinako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ibig sabihin, nagsagawa Siya ng bagong gawaing bukod sa gawaing ginawa ni Jehova. Ito ang pagpapasimula ng isang bagong kapanahunan. Dagdag pa rito, nagawa Niyang banggitin yaong hindi kayang makamtan ng tao. Ang Kanyang gawain ay gawain sa loob ng pamamahala ng Diyos at sakop ang buong sangkatauhan. Hindi Siya gumawa sa iilang tao lamang, ni hindi layon ng Kanyang gawain na pamunuan ang limitadong bilang ng mga tao. Hinggil sa kung paano nagkatawang-tao ang Diyos bilang isang tao, paano nagbigay ng mga paghahayag ang Espiritu sa panahong iyon, at paano bumaba ang Espiritu sa isang tao upang gumawa ng gawain—ito ay mga bagay na hindi nakikita o nahihipo ng tao. Lubos na imposibleng magsilbing patunay ang mga katotohanang ito na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa gayon, ang pagkakaiba ay makikita lamang sa mga salita at gawain ng Diyos, na nahihipo ng tao. Ito lamang ang totoo. Ito ay dahil ang mga bagay ng Espiritu ay hindi mo nakikita at malinaw lamang na nalalaman ng Diyos Mismo, at kahit ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay hindi alam ang lahat; mapapatunayan mo lamang kung Siya ang Diyos mula sa gawaing Kanyang nagawa. Mula sa Kanyang gawain, makikita na, una, nagagawa Niyang magbukas ng isang bagong kapanahunan; pangalawa, nagagawa Niyang tustusan ang buhay ng tao at ipakita sa tao ang daang susundan. Sapat na ito upang mapagtibay na Siya ang Diyos Mismo. Kahit paano, ang gawaing Kanyang ginagawa ay kayang lubos na katawanin ang Espiritu ng Diyos, at mula sa gawaing iyon ay makikita na ang Espiritu ng Diyos ay nasa loob Niya. Dahil ang gawaing ginawa ng Diyos na nagkatawang-tao una sa lahat ay para magpasimula ng isang bagong kapanahunan, mamahala sa bagong gawain, at magbukas ng isang bagong kaharian, ang mga ito lamang ay sapat na upang magpatunay na Siya ang Diyos Mismo. Sa gayon ay ipinapakita nito ang kaibhan Niya kina Isaias, Daniel, at iba pang dakilang mga propeta. Sina Isaias, Daniel, at ang iba pa ay pawang nasa uri ng mga taong mataas ang pinag-aralan at edukado; sila ay katangi-tanging mga tao sa ilalim ng pamumuno ni Jehova. Ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay maalam din at may katinuan, ngunit ang Kanyang pagkatao ay partikular na normal. Siya ay isang ordinaryong tao, at hindi mahiwatigan ng paningin ang anumang espesyal na pagkatao tungkol sa Kanya o matukoy ang anuman sa Kanyang pagkatao na hindi kagaya ng sa iba. Ni hindi man lamang Siya higit-sa-karaniwan o natatangi, at hindi mataas ang Kanyang pinag-aralan, kaalaman, o teorya. Ang buhay na Kanyang binanggit at ang landas na Kanyang tinahak ay hindi nakamit sa pamamagitan ng teorya, kaalaman, karanasan sa buhay, o pagpapalaki ng pamilya. Sa halip, ang mga ito ang tuwirang gawain ng Espiritu, na siyang gawain ng nagkatawang-taong laman. Ito ay dahil ang tao ay may malalaking kuru-kuro tungkol sa Diyos, at partikular na dahil ang mga kuru-kuro na ito ay binubuo ng napakaraming elementong higit-sa-karaniwan kaya, sa paningin ng tao, ang isang normal na Diyos na may kahinaan ng tao, na hindi makagawa ng mga tanda at himala, ay tiyak na hindi Diyos. Hindi ba maling mga kuru-kuro ng tao ang mga ito? Kung ang laman ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi isang normal na tao, paano masasabing Siya ay naging tao? Ang maging tao ay ang maging isang ordinaryo at normal na tao; kung Siya ay higit pa sa normal na nilalang, hindi sana Siya naging tao. Para patunayan na Siya ay may katawang-tao, kinailangang magtaglay ng Diyos na nagkatawang-tao ng normal na katawan. Ito ay para lamang makumpleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao. Gayunman, hindi ganito ang nangyari sa mga propeta at sa mga anak ng tao. Sila ay matatalinong tao na kinasangkapan ng Banal na Espiritu; sa paningin ng tao, ang kanilang pagkatao ay partikular na dakila, at marami silang ginampanang gawain na higit pa sa normal na pagkatao. Dahil dito, itinuring sila ng tao na Diyos. Ngayon ay kailangan ninyong lahat na maunawaan ito nang malinaw, sapagkat matagal nang usapin ito na pinakamadaling makalito sa lahat ng tao sa nagdaang mga kapanahunan. Dagdag pa rito, ang pagkakatawang-tao ang pinakamahiwaga sa lahat ng bagay, at ang Diyos na nagkatawang-tao ang pinakamahirap tanggapin ng tao. Ang Aking sinasabi ay nakakatulong sa pagtupad sa inyong tungkulin at sa pag-unawa ninyo sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Lahat ng ito ay may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, sa mga pangitain. Ang inyong pagkaunawa rito ay magiging mas kapaki-pakinabang sa pagtatamo ng kaalaman tungkol sa mga pangitain, ibig sabihin, sa gawain ng pamamahala ng Diyos. Sa ganitong paraan, magtatamo rin kayo ng higit na pagkaunawa sa tungkuling dapat gampanan ng iba’t ibang klase ng mga tao. Bagama’t ang mga salitang ito ay hindi tuwirang nagpapakita sa inyo ng landas, malaking tulong pa rin ang mga ito sa inyong pagpasok, sapagkat ang inyong buhay sa kasalukuyan ay kulang na kulang sa mga pangitain, at magiging mahalagang balakid ito na pipigil sa inyong pagpasok. Kung hindi ninyo naunawaan ang mga isyung ito, walang motibong magtutulak sa inyong pagpasok. At paano kayo pinakamainam na mabibigyan ng kakayahan ng gayong pagsisikap na matupad ang inyong tungkulin?

Sinundan: Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

Sumunod: Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito