Tanging ang mga Nakakikilala sa Diyos at Nakaaalam sa Kanyang Gawain ang Makapagbibigay-lugod sa Diyos

May dalawang bahagi ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao. Noong una Siyang nagkatawang-tao, hindi Siya pinaniwalaan o kinilala ng mga tao, at ipinako nila si Jesus sa krus. Noong magkatawang-tao Siya sa ikalawang pagkakataon, hindi pa rin naniwala sa Kanya ang mga tao, lalo pa ang kilalanin Siya, at muli nilang ipinako si Cristo sa krus. Hindi ba’t ang tao ang kaaway ng Diyos? Kung hindi Siya kilala ng tao, paano magiging malapit ang tao sa Diyos? At paano siya magiging karapat-dapat magpatotoo sa Diyos? Hindi ba’t pawang mapanlinlang na kasinungalingan ang mga pag-angkin ng tao ng pagmamahal sa Diyos, paglilingkod sa Diyos, at pagluwalhati sa Diyos? Kung itatalaga mo ang iyong buhay sa mga di-makatotohanan at di-praktikal na mga bagay na ito, hindi ba gumagawa ka nang walang kabuluhan? Paano ka magiging malapit sa Diyos kung hindi mo man lamang nakikilala kung sino ang Diyos? Hindi ba ang gayong paghahangad ay malabo at mahirap maunawaan? Hindi ba ito mapanlinlang? Paano ba maaaring maging malapit sa Diyos ang isang tao? Ano ang praktikal na kabuluhan ng pagiging malapit sa Diyos? Maaari ka bang maging malapit sa Espiritu ng Diyos? Makikita mo ba kung gaano kadakila at katayog ang Espiritu? Ang maging malapit sa di-nakikita at di-nahahawakang Diyos—hindi ba iyan malabo at mahirap maunawaan? Ano ang praktikal na kabuluhan ng gayong paghahangad? Hindi ba ang lahat ng ito ay mapanlinlang na kasinungalingan? Ang hinahangad mo ay maging malapit sa Diyos, gayong sa totoo lang ikaw ay masunuring aso ni Satanas, dahil hindi mo kilala ang Diyos, at hinahangad ang di-umiiral na “Diyos ng lahat ng bagay,” na di-nakikita, di-nahahawakan, at bunga ng iyong sariling mga kuru-kuro. Sa walang katiyakang pananalita, ang gayong “Diyos” ay si Satanas, at sa praktikal na pananalita, ito ay ikaw mismo. Hinahangad mo ang maging malapit sa iyong sarili, ngunit sinasabi pa rin na hinahangad mo ang maging malapit sa Diyos—hindi ba iyan isang paglapastangan? Ano ang halaga ng gayong paghahangad? Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi nagkatawang-tao, ang diwa ng Diyos ay isa lamang di-nakikita at di-nahahawakang Espiritu ng buhay, walang anyo at walang hugis, mula sa uring di-materyal, di-nalalapitan at di-nauunawaan ng tao. Paano magiging malapit ang tao sa isang walang-katawan, kamangha-mangha, at di-maarok na Espiritu na gaya nito? Hindi ba ito isang biro? Ang gayong katawa-tawang pangangatuwiran ay walang bisa at hindi praktikal. Ang nilikhang tao ay mula sa isang likas na uri na iba sa Espiritu ng Diyos, kaya paano magiging magkaniig ang dalawa? Kung ang Espiritu ng Diyos ay hindi nabuo sa katawang-tao, kung ang Diyos ay hindi naging tao at ibinaba ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng pagiging isang nilalang, kung gayon, ang taong nilalang ay kapwa hindi karapat-dapat at walang kakayahang maging kaniig Niya, at maliban sa mga mananampalatayang maka-diyos na maaaring magkaroon ng pagkakataong maging mga kaniig ng Diyos matapos na nakapasok sa langit ang kanilang mga kaluluwa, hindi makakaya ng karamihan sa mga tao na maging mga kaniig ng Espiritu ng Diyos. At kung nais ng mga tao na maging mga kaniig ng Diyos sa langit sa ilalim ng gabay ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba sila mga kamangha-manghang hangal na di-tao? Naghahangad lamang ang mga tao ng “katapatan” sa isang di-nakikitang Diyos, at hindi nagtutuon ng bahagya mang pansin sa nakikitang Diyos, sapagkat napakadaling maghangad sa isang di-nakikitang Diyos. Maaari itong gawin ng tao ayon sa kanilang kagustuhan, ngunit ang paghahangad sa nakikitang Diyos ay hindi napakadali. Ang tao na naghahanap sa isang malabong Diyos ay walang pasubaling hindi kayang matamo ang Diyos, sapagkat ang mga bagay na malabo at walang-anyo ay naguguni-guni lamang ng tao, at hindi kayang matamo ng tao. Kung ang Diyos na pumarito sa gitna ninyo ay isang marangal at mataas na Diyos na hindi ninyo maabot, paano ninyo mauunawaan ang Kanyang kalooban? At paano ninyo Siya makikilala at mauunawaan? Kung ginawa lamang Niya ang Kanyang gawain, at hindi nagkaroon ng karaniwang ugnayan sa tao, o walang taglay na normal na pagkatao at hindi malapitan ng mga mortal lamang, kung gayon, kahit na marami Siyang ginawa para sa inyo ngunit wala kayong pakikipag-ugnayan sa Kanya, at hindi nagawang makita Siya, paano ninyo Siya makikilala? Kung hindi dahil sa katawang-taong ito na taglay ang normal na pagkatao, walang magiging paraan ang tao para makilala ang Diyos; dahil lamang sa pagkakatawang-tao ng Diyos kaya ang tao ay karapat-dapat maging kaniig ng Diyos na nagkatawang-tao. Kaya nagiging mga kaniig ng mga tao ang Diyos dahil nakikipag-ugnayan sila sa Kanya, sapagkat nabubuhay silang kasama Siya at sinasamahan Siya, at sa gayo’y unti-unting nakikilala Siya. Kung hindi ganoon, hindi ba ang paghahangad ng tao ay mawawalan ng kabuluhan? Ibig sabihin, hindi lamang dahil sa gawain ng Diyos na nakakaya ng tao na maging malapit sa Diyos, kundi dahil sa pagkatotoo at pagiging karaniwan ng Diyos na nagkatawang-tao. Dahil lamang sa ang Diyos ay nagiging tao kaya ang mga tao ay mayroong pagkakataon upang gampanan ang kanilang tungkulin, at pagkakataon upang sambahin ang tunay na Diyos. Hindi ba ito ang pinakatunay at praktikal na katotohanan? Ngayon, nais mo pa rin bang maging kaniig ng Diyos sa langit? Tanging kapag nagpakababa ang Diyos Mismo hanggang sa isang punto, na ibig sabihin, tanging kapag ang Diyos ay nagkatawang-tao, na ang tao ay maaaring maging kaniig Niya at katiwalang-loob Niya. Ang Diyos ay Espiritu: Paano magiging karapat-dapat ang tao na maging mga kaniig ng Espiritung ito, na napakataas at di-maarok? Tanging kapag bumaba ang Espiritu ng Diyos sa katawang-tao, at nagiging isang nilalang na may parehong panlabas na anyo ng tao, na maaaring maunawaan ng tao ang Kanyang kalooban at talagang matamo Niya. Nagsasalita at gumagawa Siya sa katawang-tao, nakikibahagi sa mga kaligayahan, kalungkutan, at kapighatian ng sangkatauhan, namumuhay sa kaparehong daigdig ng sangkatauhan, pinangangalagaan ang sangkatauhan, ginagabayan sila, at sa pamamagitan nito nililinis Niya ang mga tao, at hinahayaang matamo nila ang Kanyang pagliligtas at Kanyang pagpapala. Kapag natamo na ng mga tao ang mga bagay na ito, tunay na nilang nauunawaan ang kalooban ng Diyos ay saka lamang silang maaaring maging mga kaniig ng Diyos. Ito lamang ang praktikal. Kung ang Diyos ay di-nakikita at di-nahahawakan ng mga tao, paano sila magiging mga kaniig Niya? Hindi ba ito isang doktrinang walang laman?

Sa paniniwala sa Diyos hanggang ngayon, maraming tao pa rin ang naghahangad doon sa malabo at walang-anyo. Wala silang pagkaunawa sa pagkatotoo ng gawain ng Diyos sa ngayon, at patuloy pang namumuhay sa gitna ng mga salita at doktrina. Bukod dito, karamihan ay hindi pa nakapapasok sa realidad ng mga bagong pariralang tulad ng ang “bagong henerasyon ng mga nagmamahal sa Diyos,” ang “kaniig ng Diyos,” ang “halimbawa at huwaran ng pag-ibig sa Diyos,” at ang “pamamaraan ni Pedro”; sa halip, ang kanilang paghahangad ay nananatiling malabo at mahirap maunawaan, nangangapa pa rin sila sa doktrina, at wala silang pagkaunawa sa realidad ng mga salitang ito. Kapag ang Espiritu ng Diyos ay nagkatawang-tao, makikita at mahahawakan mo ang Kanyang gawain sa katawang-tao. Ngunit kung hindi mo pa rin kayang maging kaniig Niya, kung hindi mo pa rin kayang maging Kanyang katiwalang-loob, paano ka magiging pinagkakatiwalaan ng Espiritu ng Diyos? Kung hindi mo kilala ang Diyos ng kasalukuyan, paano ka magiging isa sa bagong henerasyon ng mga nagmamahal sa Diyos? Hindi ba’t ang mga pariralang ito ay walang-katuturang mga salita at doktrina? Kaya mo bang makita ang Espiritu at maunawaan ang Kanyang kalooban? Hindi ba walang laman ang mga pariralang ito? Hindi sapat na basta mo lamang sabihin ang ganitong mga parirala at kataga, at hindi mo rin makakamit ang kaluguran ng Diyos sa pamamagitan ng kapasyahan lamang. Nasisiyahan ka sa pagbigkas lamang ng mga salitang ito, at ginagawa mo ito para bigyang-kasiyahan ang iyong sariling mga mithiin, upang bigyang-kasiyahan ang iyong sariling di-makatotohanang mga mithiin, at bigyang-kasiyahan ang iyong sariling mga kuru-kuro at pag-iisip. Kung hindi mo kilala ang Diyos ng kasalukuyan, kahit ano pa man ang gawin mo, hindi mo makakayang bigyang-lugod ang mithiin ng puso ng Diyos. Ano ba ang kahulugan ng pagiging pinagkakatiwalaan ng Diyos? Hindi mo pa rin ba ito nauunawaan? Dahil kaniig ng Diyos ang tao, kaya ang Diyos ay tao rin. Ibig sabihin, ang Diyos ay nagkatawang-tao, at naging tao. Tanging yaong magkakatulad na uri ang maaaring magtawagang katiwalang-loob ang isa’t-isa, sa gayon lamang sila maituturing na mga magkaniig. Kung ang Diyos ay Espiritu, paano Siya magiging kaniig ng nilikhang tao?

Ang iyong paniniwala sa Diyos, ang iyong paghahangad sa katotohanan, at maging ang iyong asal ay dapat nakabatay lahat sa katotohanan: Dapat maging praktikal ang anumang ginagawa mo, at hindi ka dapat maghangad ng mga hindi tunay at imahinatibong bagay. Walang halaga ang umasal nang ganito, at, bukod pa rito, walang kabuluhan sa gayong buhay. Dahil ang iyong paghahangad at buhay ay ginugugol sa gitna ng kasinungalingan at panlilinlang lamang, at dahil hindi ka naghahangad ng mga bagay na may halaga at kabuluhan, ang tanging nakakamit mo ay mga katawa-tawang pangangatuwiran at doktrinang lihis sa katotohanan. Walang kaugnayan ang gayong mga bagay sa kabuluhan at halaga ng iyong pag-iral, at maaari lamang magdala sa iyo sa hungkag na lupain. Sa ganitong paraan, ang buong buhay mo ay mawawalan ng anumang halaga o kabuluhan—at kung hindi ka naghahangad ng isang makabuluhang buhay, maaari kang mabuhay nang isang daang taon at ang lahat ng ito ay mawawalan ng silbi. Paano iyan matatawag na buhay ng tao? Kung tutuusin, hindi ba’t iyan ay buhay ng isang hayop? Gayundin, kung sinusubukan ninyong sundan ang landas ng paniniwala sa Diyos, ngunit walang pagtatangkang maghangad sa Diyos na nakikita at sa halip ay sumasamba sa isang hindi nakikita at hindi nahahawakang Diyos, hindi ba’t ang gayong paghahangad ay lalo pang walang-saysay? Sa huli, ang iyong paghahangad ay magiging isang bunton ng mga guho. Ano ang pakinabang sa iyo ng gayong paghahangad? Ang pinakamalaking suliranin sa tao ay minamahal lamang niya ang mga bagay na hindi nakikita o nahahawakan, mga bagay na labis na mahiwaga at kamangha-mangha at hindi lubos na mawari ng tao at hindi kayang maabot ng mga mortal lamang. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga bagay na ito, lalong susuriin ang mga ito ng mga tao, at hinahangad pa ang mga iyon ng mga tao na walang pakialam sa ibang mga bagay, at tatangkaing makamtan ang mga iyon. Habang lalong hindi makatotohanan ang mga iyon, lalong malapitang bubusisiin at sisiyasatin ng mga tao ang mga iyon, na aabot pa nga sa paggawa ng mga sarili nilang puspusang kaisipan tungkol sa mga ito. Taliwas dito, habang higit na makatotohanan ang mga bagay, higit na hindi ito binibigyang-pansin ng mga tao; minamaliit lamang at hinahamak pa nga nila ang mga ito. Hindi ba’t ito ang inyong tunay na saloobin sa makatotohanang gawain Ko ngayon? Habang higit na makatotohanan ang gayong mga bagay, higit na kumikiling kayo laban sa mga ito. Hindi kayo nagbibigay ng panahon para suriin ang mga iyon, sa halip ay hindi na lamang ninyo pinapansin ang mga iyon; hinahamak ninyo ang mga ganitong pangangailangan na makatotohanan at may mababang pamantayan, at nag-iingat pa nga kayo ng napakaraming kuru-kuro tungkol sa Diyos na pinakapraktikal, at talagang wala kayong kakayahang tanggapin ang Kanyang pagiging praktikal at karaniwan. Sa ganitong paraan, hindi ba’t isang malabong paniniwala ang inyong pinanghahawakan? Mayroon kayong hindi natitinag na paniniwala sa hindi malinaw na Diyos ng nakalipas na panahon, at walang pagkawili sa praktikal na Diyos ng kasalukuyan. Hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon at ang Diyos ng kasalukuyan ay mula sa dalawang magkaibang panahon? Hindi rin ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kahapon ay ang mabunying Diyos ng kalangitan, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay isa lamang maliit na tao sa lupa? Dagdag pa, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos na sinasamba ng tao ay ang siyang kinatha ng kanyang mga kuru-kuro, samantalang ang Diyos ng kasalukuyan ay totoong katawang-tao na iniluwal sa lupa? Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, hindi ba’t ito ay dahil sa ang Diyos ng kasalukuyan ay totoong-totoo kaya’t hindi Siya hinahangad ng mga tao? Sapagka’t ang hinihingi sa mga tao ng Diyos ng kasalukuyan ay yaong sadyang pinakaayaw gawin ng mga tao, at yaong nakapagpaparamdam sa kanila ng kahihiyan. Hindi ba’t ginagawa lamang nitong mahirap para sa mga tao ang mga bagay? Hindi ba nito inilalantad ang mga pilat ng mga tao? Sa ganitong paraan, maraming tao ang hindi hinahanap ang tunay na Diyos, ang praktikal na Diyos, kaya naman nagiging kaaway sila ng nagkatawang-taong Diyos, na ang ibig sabihin, ay mga anticristo sila. Hindi ba’t ito ay isang malinaw na katunayan? Sa nakalipas, noong hindi pa nagkakatawang-tao ang Diyos, ikaw marahil ay naging isang relihiyosong tao o isang debotong mananampalataya. Pagkaraang magkatawang-tao ang Diyos, marami sa mga gayong debotong mananampalataya ang naging mga anticristo nang hindi nila namamalayan. Alam mo ba kung ano ang nangyayari dito? Sa iyong paniniwala sa Diyos, hindi ka nagtutuon ng pansin sa realidad o naghahangad sa katotohanan, bagkus ay nahuhumaling sa mga kabulaanan—hindi ba’t ito ang pinakamalinaw na pinagmumulan ng iyong pakikipag-alitan sa Diyos na nagkatawang-tao? Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, kaya hindi ba’t anticristo ang lahat ng hindi naniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao? Kaya tunay ba na ang iyong pinaniniwalaan at minamahal ay ang Diyos na nagkatawang-tao? Ito nga ba ang buhay, humihingang Diyos na pinakatotoo at bukod-tanging karaniwan? Ano ba ang talagang layunin ng iyong paghahangad? Ito ba ay nasa langit o nasa lupa? Ito ba ay isang kuru-kuro o ito ang katotohanan? Ito ba ay ang Diyos o isang nilalang na supernatural? Sa katunayan, ang katotohanan ang pinakatunay na talinghaga ng buhay, at ang pinakamataas sa gayong mga talinghaga sa buong sangkatauhan. Sapagkat ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao, at ang gawaing personal na ginagampanan ng Diyos, kaya’t tinatawag itong “talinghaga ng buhay.” Hindi ito isang talinghagang binuo mula sa kung anong bagay, o hindi rin ito isang tanyag na panipi mula sa isang dakilang tao. Sa halip, ito ang pagbigkas sa sangkatauhan mula sa Panginoon ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay; hindi ito ilang salita na nilagom ng tao, kundi ang likas na buhay ng Diyos. Kaya nga ito ang tinatawag na “pinakamataas sa lahat ng talinghaga ng buhay.” Ang paghahangad ng mga tao na isagawa ang katotohanan ay pagganap sa kanilang tungkulin—ibig sabihin, ito ay ang paghahangad na tugunan ang hinihingi ng Diyos. Ang diwa ng hinihinging ito ang pinakatunay sa lahat ng katotohanan, at hindi doktrinang walang katuturan na hindi makakamtan ng sinuman. Kung ang iyong paghahangad ay doktrina lamang at walang nilalamang realidad, hindi ba’t naghihimagsik ka laban sa katotohanan? Hindi ka ba isang tao na sumasalakay sa katotohanan? Paano mangyayari na ang gayong tao ay maging isang may pagnanais na mahalin ang Diyos? Ang mga taong walang realidad ay yaong mga nagkakanulo sa katotohanan, at lahat sila ay likas na mapanghimagsik!

Kung paano ka man naghahangad, dapat mong maunawaan, higit sa lahat, ang gawain na ginagawa ng Diyos ngayon, at dapat mong malaman ang kabuluhan ng gawaing ito. Dapat mong maunawaan at malaman kung anong gawain ang dala-dala ng Diyos sa Kanyang pagdating sa mga huling araw, kung anong disposisyon ang hatid Niya, at kung ano ang gagawing ganap sa tao. Kung hindi mo alam o nauunawaan ang gawaing Kanyang gagawin bilang katawang-tao, paano mo mauunawaan ang Kanyang kalooban, at paano ka magiging kaniig Niya? Sa katunayan, hindi masalimuot ang pagiging kaniig ng Diyos, at hindi rin naman payak. Kung kaya ng mga tao na maunawaan itong lubusan at maisagawa ito, nawawala ang pagkamasalimuot nito; kung hindi ito kayang maunawaan nang lubusan ng mga tao, higit itong nagiging mahirap, at higit pa riyan, nanganganib na mauwi sa kalabuan ang kanilang paghahangad. Kung sa paghahangad sa Diyos ay walang maging sariling sandigan ang mga tao at hindi nila alam kung anong katotohanan ang dapat panghawakan, nangangahulugan ito na wala silang saligan, kaya’t magiging mahirap para sa kanila ang manindigan. Sa ngayon, napakaraming hindi nakauunawa sa katotohanan, hindi nakakikilala sa kaibhan ng mabuti at masama o nakapagsasabi kung ano ang iibigin o kamumuhian. Ang gayong mga tao ay mahihirapang makapaninindigan. Susi sa paniniwala sa Diyos ang kakayahang isagawa ang katotohanan, mapangalagaan ang kalooban ng Diyos, malaman ang gawain ng Diyos sa tao kapag Siya ay nagkatawang-tao at ang mga prinsipyo na sa pamamagitan ng mga ito ay nagsasalita Siya. Huwag sumunod sa masa. Dapat kang magkaroon ng mga prinsipyo hinggil sa kung ano ang nararapat mong pasukin, at dapat mong panghawakan ang mga ito. Ang mahigpit na paghawak sa mga bagay na yaon sa kalooban mo na dinala ng kaliwanagan ng Diyos ay makatutulong sa iyo. Kung hindi, liliko ka sa isang direksyon ngayon, at bukas naman ay sa ibang direksyon, kailanman ay wala kang makakamit na anumang totoo. Ang pagiging ganito ay walang pakinabang sa iyong buhay. Yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay laging sumusunod sa iba: Kung sinasabi ng mga tao na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ikaw man ay magsasabi rin na ito ay gawain ng Banal na Espiritu; kung sinasabi ng mga tao na ito ay gawain ng masamang espiritu, mag-aalinlangan ka na rin o sasabihin rin na ito ay gawain ng masamang espiritu. Lagi mong ginagaya ang mga sinasabi ng iba, at hindi mo kayang kumilala mag-isa ng kaibhan ng kahit ano, ni hindi mo kayang mag-isip para sa iyong sarili. Ito ay isang tao na walang paninindigan, na hindi kayang kumilala ng pagkakaiba—ang gayong tao ay walang-halaga at napakasamang tao! Lagi mong inuulit ang mga sinasabi ng iba: Sinasabi ngayon na ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit malamang na balang araw ay may magsasabi na hindi ito gawain ng Banal na Espiritu, na ito sa katunayan ay walang iba kundi mga gawa ng tao—ngunit hindi mo ito mahiwatigan, at kapag nasaksihan mong sinasabi ito ng iba, sinasabi mo rin ang gayong bagay. Ito ay talagang gawain ng Banal na Espiritu, ngunit sinasabi mo na gawain ito ng tao; hindi kaya naging isa ka na sa mga lumalapastangan sa gawain ng Banal na Espiritu? Sa bagay na ito, hindi ba’t sumasalungat ka na sa Diyos dahil hindi mo kayang tukuyin ang pagkakaiba? Marahil, may isang hangal na susulpot isang araw at magsasabing “ito ay gawain ng masamang espiritu,” at kapag narinig mo ang mga salitang ito, hindi mo na alam ang gagawin, at muli kang magagapos sa mga sinasabi ng iba. Tuwing may nagpapasimuno ng ligalig, hindi mo magawang manindigan, at ito ay dahil hindi mo taglay ang katotohanan. Ang paniniwala sa Diyos at paghahangad na makilala ang Diyos ay hindi isang madaling bagay. Hindi ito matatamo sa pagtitipon-tipon lamang at pakikinig sa pangangaral, at hindi ka mapeperpekto sa pamamagitan ng bugso ng damdamin lamang. Dapat mong maranasan, at malaman, at magtaglay ng prinsipyo sa iyong mga pagkilos, at makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag sumailalim ka na sa mga karanasan, makakaya mong kilalanin ang maraming bagay—makakaya mong kilalanin ang pagkakaiba ng mabuti at masama, ng katuwiran at kasamaan, ng kung ano ang sa laman at dugo at kung ano ang sa katotohanan. Dapat mong makilala ang pagkakaiba ng mga bagay na ito, at sa pagsasagawa nito, anuman ang mangyari, hindi ka kailanman maliligaw. Ito lamang ang iyong totoong katayuan.

Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ay hindi isang simpleng bagay. Dapat na mayroon kang mga pamantayan at layunin sa iyong paghahangad, dapat mong malaman kung paano hanapin ang tunay na daan, at kung paano sukatin kung ito ba ang tunay na daan o hindi, at kung ito ba ay gawain ng Diyos o hindi. Ano ang pinakasaligang prinsipyo sa paghahanap sa tunay na daan? Kailangan mong tingnan kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu sa daang ito, kung ang mga salitang ito ay pagpapahayag o hindi ng katotohanan, sino ang pinatototohanan, at ano ang maidudulot nito sa iyo. Ang pag-alam ng pagkakaiba sa pagitan ng tunay na daan at huwad na daan ay nangangailangan ng ilang aspeto ng batayang kaalaman, na ang pinakasaligan dito ay ang pag-alam kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu. Sapagkat ang diwa ng paniniwala ng mga tao sa Diyos ay ang paniniwala sa Espiritu ng Diyos, at kahit ang paniniwala nila sa Diyos na nagkatawang-tao ay dahil sa ang katawang-tao na ito ay ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, na nangangahulugang ang gayong paniniwala ay paniniwala pa rin sa Espiritu. May mga pagkakaiba sa pagitan ng Espiritu at ng katawang-tao, ngunit dahil ang katawang-tao na ito ay nagmumula sa Espiritu, at siyang Salita na naging tao, sa gayon ang pinaniniwalaan ng tao ay ang likas na diwa pa rin ng Diyos. Kaya’t sa pagkilala kung ito ay ang tunay na daan o hindi, higit sa lahat dapat mong tingnan kung naroon o wala ang gawain ng Banal na Espiritu, at pagkaraan ay dapat mong tingnan kung mayroon o walang katotohanan sa daang ito. Ang katotohanan ay ang disposisyon sa buhay ng karaniwang pagkatao, na ang ibig sabihin ay yaong kinakailangan sa tao noong lalangin siya ng Diyos sa pasimula, at ito ay ang sumusunod, ang karaniwang pagkatao sa kabuuan nito (kabilang ang katinuan ng tao, panloob na pananaw, karunungan, at ang batayang kaalaman ng pagiging tao). Ibig sabihin, kailangan mong tingnan kung madadala ba o hindi ng landas na ito ang tao sa buhay ng karaniwang pagkatao, kung ang katotohanan na sinasalita ay kailangan o hindi ayon sa realidad ng karaniwang pagkatao, kung ang katotohanang ito ay praktikal at tunay o hindi, at kung ito ay sadyang napapanahon o hindi. Kung may katotohanan, makakaya nitong pangunahan ang mga tao sa karaniwan at tunay na mga karanasan; higit pa rito, nagiging lalong higit na karaniwan ang mga tao, lubos na nagiging ganap ang kanilang diwa, nagiging lalong higit na maayos ang kanilang buhay sa laman at ang espirituwal na buhay, at nagiging lalong higit na normal ang kanilang mga emosyon. Ito ang ikalawang prinsipyo. May isa pang prinsipyo, at iyan ay kung nadaragdagan ba o hindi ang pagkakilala ng tao sa Diyos, at kung ang pagdanas ng ganoong gawain at katotohanan ay may kakayahan o wala na pumukaw ng pusong mapagmahal sa Diyos sa loob nila, at higit silang mapalapit sa Diyos. Sa ganito masusukat kung ito ang tunay na daan o hindi. Ang pinakasaligan ay kung ang daang ito ay makatotohanan imbes na supernatural, at kung ito ay nakapagkakaloob sa buhay ng tao o hindi. Kung ito ay umaayon sa mga prinsipyong nabanggit, maaaring mabuo ang pagpapasya na ang daang ito ang tunay na daan. Sinasabi Ko ang mga ito hindi upang tanggapin ninyo ang ibang daan sa inyong mga daranasin sa hinaharap, o bilang hula na magkakaroon ng gawain ng isa pang bagong kapanahunan sa hinaharap. Sinasabi Ko ang mga ito upang matiyak ninyo na ang daan ng kasalukuyan ang tunay na daan, upang hindi kayo maging bahagya lamang na nakakatiyak sa inyong paniniwala sa gawain ng kasalukuyan at hindi makayang makamit ang kabatiran tungo rito. Maraming iba pa, na sa kabila ng pagiging tiyak, ay sumusunod pa rin nang may pagkalito; ang gayong katiyakan ay walang kaakibat na prinsipyo, at ang mga ganoong tao ay dapat maalis sa malaon o madali. Kahit yaong mga talagang masigasig sa kanilang pagsunod ay tatlong bahaging nakatitiyak at limang bahaging di-nakatitiyak, na nagpapakitang wala silang saligan. Dahil napakahina ng inyong kakayahan at napakababaw ng inyong saligan, wala kayong pagkaunawa sa pag-iiba-iba. Hindi inuulit ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi Siya gumagawa ng gawaing hindi makatotohanan, hindi Siya nag-aatas ng labis-labis sa tao, at hindi Siya gumagawa ng higit sa pang-unawa ng tao. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay napapaloob sa saklaw ng karaniwang pang-unawa ng tao, at hindi lumalampas sa pang-unawa ng karaniwang pagkatao, at ang Kanyang gawain ay naaayon sa mga karaniwang hinihingi sa tao. Kung ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ang mga tao ay nagiging lalong higit na karaniwan, at ang kanilang pagkatao ay nagiging lalong higit na karaniwan. Nagkakaroon ng ibayong kaalaman ang mga tao tungkol sa kanilang tiwaling disposisyong malasatanas, at ng diwa ng tao, at nagkakaroon din sila ng higit na pag-asam sa katotohanan. Ang ibig lang sabihin, lumalago nang lumalago ang buhay ng tao, at nakakayanan ng tiwaling disposisyon ng tao ang padagdag nang padagdag na pagbabago—na lahat ay siyang kahulugan ng pagiging buhay ng tao ng Diyos. Kung ang isang daan ay walang kakayahang ihayag ang gayong mga bagay na siyang diwa ng tao, walang kakayahang baguhin ang disposisyon ng tao, at higit pa rito, walang kakayahang dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos o bigyan sila ng tunay na pagkaunawa sa Diyos, at nagiging sanhi pa upang ang kanilang pagkatao ay higit pang maging mababa at ang kanilang katinuan ay higit pang maging hindi karaniwan, ang daang ito, kung gayon, ay hindi ang tunay na daan, at maaaring ito ay gawain ng masamang espiritu, o ang lumang daan. Sa madaling salita, hindi ito ang gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Naniwala na kayo sa Diyos sa loob ng mga taong ito, ngunit wala kayong nahihiwatigan sa mga prinsipyo para sa pagkilala sa pagkakaiba ng tunay na daan at huwad na daan o sa paghahanap sa tunay na daan. Karamihan ng mga tao ay hindi man lamang interesado sa ganitong mga bagay; sumusunod lamang sila kung saan pumupunta ang karamihan, at inuulit ang sinasabi ng nakararami. Paanong magiging ito ang tao na naghahanap sa tunay na daan? At paano masusumpungan ng ganoong mga tao ang tunay na daan? Kung inyong mauunawaan ang ilang mga pangunahing prinsipyong ito, hindi kayo malilinlang anuman ang mangyari. Sa ngayon, napakahalagang makaya ng mga tao na malaman ang mga pagkakaiba; ito ang dapat na tinataglay ng karaniwang pagkatao, at ito ang dapat taglayin ng tao sa kanyang karanasan. Kung, hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring naipagkakaiba ang mga tao sa kanilang pagsunod, at ang kanilang pantaong diwa ay hindi pa rin lumago, napakahangal ng mga tao kung gayon, at ang kanilang paghahangad ay mali at lihis. Wala ni bahagya mang pagkakaiba sa iyong paghahangad ngayon, at samantalang ito ay totoo, tulad ng iyong sinasabi, na natagpuan mo na ang tunay na daan, nakamit mo na ba iyon? Nagawa mo na bang makilala ang anumang pagkakaiba? Ano ang diwa ng tunay na daan? Sa tunay na daan, hindi mo nakamit ang tunay na daan; wala kang nakamit na anuman sa katotohanan. Ibig sabihin, hindi mo nakamit ang hinihingi sa iyo ng Diyos, kaya’t wala pa ring pagbabago sa iyong katiwalian. Kung ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa ganitong paraan, sa huli ay tiyak na maaalis ka. Dahil nakasunod ka na hanggang sa araw na ito, dapat mong matiyak na ang natahak mo nang daan ay siyang tamang daan, at hindi ka na dapat magkaroon ng mga pagdududa pa. Maraming tao ang laging nag-aalinlangan at humihinto sa paghahangad sa katotohanan dahil sa ilang maliliit na bagay. Ang mga gayong tao ay yaong walang kaalaman sa gawain ng Diyos, sila yaong mga sumusunod sa Diyos nang may pagkalito. Ang mga tao na hindi nakakaalam ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang maging mga kaniig Niya, o magbigay-patotoo sa Kanya. Pinapayuhan Ko ang mga naghahanap lamang ng pagpapala at naghahangad lamang sa kung ano ang malabo at mahirap maunawaan na hangarin ang katotohanan sa lalong madaling panahon, upang ang kanilang buhay ay magkaroon ng kabuluhan. Huwag na ninyong linlangin pa ang inyong sarili!

Sinundan: Paano Maaaring Tumanggap ng mga Paghahayag ng Diyos ang Taong Nililimitahan ang Diyos sa Kanyang mga Kuru-kuro?

Sumunod: Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito