Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay malapit na sa pagtatapos, at ang tarangkahan ng kaharian ay nabuksan na para sa lahat niyaong naghahanap ng Kanyang pagpapakita. Minamahal na mga kapatid, ano ang hinihintay ninyo? Ano ba ang hinahanap ninyo? Kayo ba ay naghihintay sa pagpapakita ng Diyos? Hinahanap ba ninyo ang Kanyang mga yapak? Talagang dapat kapanabikan ang pagpapakita ng Diyos! At talagang napakahirap masumpungan ang mga yapak ng Diyos! Sa kapanahunang tulad ngayon, sa mundong tulad nito, ano ang nararapat nating gawin upang masaksihan ang araw ng pagpapakita ng Diyos? Ano ang nararapat nating gawin upang makasabay sa mga yapak ng Diyos? Ang mga katanungang ganito ay kinakaharap ng lahat niyaong naghihintay na magpakita ang Diyos. Naisip na ninyong lahat ito nang hindi lamang miminsan—ngunit ano ang kinalabasan? Saan nagpapakita ang Diyos? Nasaan ang mga yapak ng Diyos? Nakuha na ba ninyo ang mga sagot? Maraming tao ang sasagot nang ganito: “Ang Diyos ay nagpapakita sa gitna ng lahat ng sumusunod sa Kanya at ang Kanyang mga yapak ay nasa ating kalagitnaan; ganyan lamang kapayak!” Kahit sino ay makapagbibigay ng mala-pormulang sagot, ngunit naiintindihan ba ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos o ng Kanyang mga yapak? Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa personal na pagparito ng Diyos sa lupa para gumawa, bumababa sa gitna ng mga tao upang isakatuparan ang gawain ng pagbubukas ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan gamit ang Kanyang sariling pagkakakilanlan, gamit ang Kanyang sariling disposisyon, at sa paraang likas sa Kanya. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang uri ng seremonya, ito ay hindi isang tanda, ito ay hindi isang larawan, ito ay hindi isang himala, at ito ay hindi isang uri ng malaking pangitain, lalong hindi ito isang prosesong panrelihiyon. Sa halip, ito ay isang tunay at aktuwal na katunayan na nahihipo ng lahat at nakikita ng lahat. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang pabasta-basta o alang-alang sa isang uri ng panandaliang gawain. Sa halip, ito ay alang-alang sa isang yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging nauugnay sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na “pagpapakita” rito ay ibang-iba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay sa tao, pumapatnubay sa tao, at binibigyang-liwanag ang tao. Sa tuwing nagpapakita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang isang malaking yugto ng gawain. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao at hindi pa naranasan kailanman ng sinuman noon. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang mas bago at mas mataas na yugto ng gawain para sa pagliligtas sa sangkatauhan; higit pa rito, ito ay gawain na umaakay sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kabuluhan ng pagpapakita ng Diyos.

Sa sandaling naunawaan na ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos, paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos? Ang katanungang ito ay hindi mahirap ipaliwanag: Kung saan nagpapakita ang Diyos, masusumpungan ninyo roon ang Kanyang mga yapak. Tila napakasimple ng ganitong paliwanag, ngunit hindi ito madaling gawin, sapagkat maraming tao ang hindi nakakaalam kung saan nagpapakita ang Diyos, lalong hindi kung saan Niya nais, o kung saan Siya dapat, magpakita. Ang ilan ay pabigla-biglang naniniwala na kung saanman gumagawa ang Banal na Espiritu, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga espirituwal na tao, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga taong bantog, doon nagpapakita ang Diyos. Sa ngayon, isantabi natin kung tama man o mali ang gayong mga paniniwala. Upang ipaliwanag ang ganitong tanong, kailangan muna nating magkaroon ng isang malinaw na layunin: Hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos. Hindi tayo naghahanap ng mga espirituwal na tao, lalong hindi natin sinusunod ang mga bantog; sinusunod natin ang mga yapak ng Diyos. Dahil dito, yamang hahanapin natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, hanapin ang mga salita ng Diyos, at hanapin ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saan naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos; kung saan naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saan naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos; at kung saan nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa matanggap nila ang katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala na ito ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi posibleng makaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita ang Diyos ayon sa hinihingi ng tao. Kapag ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, mayroon Siyang sarili Niyang mga pagpili, mayroon Siyang sarili Niyang mga plano, at higit pa rito, mayroon Siyang sarili Niyang mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalong hindi Niya kailangang bigyang-alam ang bawat isang tao. Ito ang disposisyon ng Diyos, at lalong ito ang dapat makilala ng lahat. Kung nais ninyong makita ang pagpapakita ng Diyos, at ninanais na sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat limitahan sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat humingi kayo sa inyong sarili tungkol sa kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang aktuwal na dapat gawin ng tao. Dahil walang sinuman ang katotohanan, at walang nagtataglay ng katotohanan, ang dapat gawin ng tao ay maghanap, tumanggap, at magpasakop.

Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang nasyonalidad, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling nasyonalidad, hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos bilang isang nilikha—sa gayong paraan, hindi mo lilimitahan ang mga yapak ng Diyos sa anumang partikular na saklaw. Ito ay dahil maraming tao ngayon ang naniniwala sa loob ng kanilang mga kuru-kuro na imposibleng magpakita ang Diyos sa isang partikular na bansa, o na imposibleng magpakita Siya sa gitna ng isang partikular na grupong etniko. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos—paano posibleng masukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? Kaya sinasabi Ko, dapat mong buwagin ang iyong mga kuru-kuro ng nasyonalidad at etnisidad upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos! Sa ganitong paraan ka lamang hindi magagapos ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging kalipikado na sumalubong sa pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, ikaw ay magpakailanmang magiging isang tao na nasa kadiliman, at magpakailanmang magiging isang tao na hindi makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos.

Ang Diyos ay ang Diyos ng buong sangkatauhan. Hindi Niya itinuturing ang Kanyang sarili na pribadong pag-aari ng anumang bansa o anumang grupong etniko, kundi ginagawa Niya ang gawaing Kanyang pinlano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo o anumang bansa o etnisidad. Marahil ay hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil ang saloobin mo sa anyong ito ay pagtanggi, o marahil ang bansa at grupong etniko kung saan nagpapakita ang Diyos ay mismong ang dinidiskrimina ng lahat ng tao at mismong ang pinakaatrasado sa lupa. Ngunit ang Diyos ay may Kanyang karunungan. Taglay ang Kanyang dakilang kapangyarihan, at gamit ang Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay Niyang nakamit ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa puso at isipan, at nakamit ang isang grupo ng mga nalupig na tao na nagtiis ng lahat ng uri ng pagdurusa at pagsubok, nagtiis ng lahat ng uri ng pag-uusig, at kayang sumunod sa Kanya hanggang sa kadulu-duluhan, at nais Niyang gawing ganap. Ang layon ng Diyos sa pagpapakita nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo o bansa ay ang kompletuhin ang gawaing Kanyang pinlano. Ito ay tulad lamang noong nagkatawang-tao ang Diyos sa Judea: ang Kanyang layon ay ang kompletuhin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ngunit naniwala ang mga Hudyo na imposibleng gumawa ang Diyos sa ganitong paraan, at na imposibleng magkatawang-tao ang Diyos sa wangis ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ay naging batayan nila sa pagkondena sa Diyos at paglaban sa Diyos, at sa huli ay humantong sa pagwasak sa Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa ng parehong pagkakamali. Walang pakundangan nilang ipinoproklama ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, ngunit kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ay muling naglilimita sa pagpapakita ng Diyos sa kung ano ang naiisip nila. At kaya, nakita Ko ang maraming tao na humalakhak nang malakas at nang walang-galang pagkatapos makuha ang mga salita ng Diyos. Hindi ba’t ang “paghalakhak” na ito ay eksaktong kapareho ng pagkondena at paglapastangan ng mga Hudyo? Hindi kayo taimtim sa harap ng katotohanan, at lalong wala kayong taglay na saloobin ng pag-aasam. Ang tanging ginagawa ninyo ay matigas ang ulong magsiyasat at maghintay nang walang pakialam. Ano ang makakamit ninyo mula sa pagsisiyasat at paghihintay nang ganito? Talaga bang iniisip ninyo na makakatanggap kayo ng personal na gabay mula sa Diyos? Hindi mo man lang makilatis ang mga pagbigkas at salita ng Diyos—paano ka magiging kalipikado na mamasdan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saan nagpapakita ang Diyos, doon ipapahayag ang katotohanan, at naroon ang tinig ng Diyos. Tanging ang mga nagagawang tumanggap sa katotohanan ang nakakaalam kung paano marinig ang tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang kalipikadong mamasdan ang pagpapakita ng Diyos. Bitiwan mo ang iyong mga kuru-kuro! Patahimikin ang iyong sarili at basahing mabuti ang mga salitang ito. Hangga’t mayroon kang pusong nananabik sa katotohanan, bibigyang-liwanag ka ng Diyos para maunawaan mo ang Kanyang mga layunin at maunawaan ang Kanyang mga salita. Bitiwan ang mga pahayag ninyo ng pagiging “imposible”! Habang lalong naniniwala ang tao na “imposible” ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga kaisipan ng Diyos ay higit pa sa mga kaisipan ng tao, at ginagampanan ng Diyos ang gawain Niya nang lampas sa mga hangganan ng kaisipan at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroong katotohanang mahahanap dito; habang mas hindi kayang maisip ng mga kuru-kuro ng tao ang isang bagay, lalong naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Siya nagpapakita, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hinding-hindi magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Nasaan man ang mga yapak ng Diyos, hindi magbabago ang Kanyang disposisyon; nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at mga Amerika, at higit pa rito, Siya ang nag-iisa at natatanging Diyos sa itaas at kabuuan ng sansinukob. Kaya hanapin natin ang mga layunin ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas at salita, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at Kanyang mga yapak ay hayagang ipinakikita sa sangkatauhan sa lahat ng oras. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyong lahat ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong makasabay sa Kanyang mga yapak at humakbang pasulong tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at bagong lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos

Sinundan: Paunang Salita

Sumunod: Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 2: Matagal na naming narinig na ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpatotoo na tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. At Siya ang Makapangyarihang Diyos! Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at gumaganap sa Kanyang gawaing paghatol sa mga huling araw, ngunit karamihan sa mga tao ng mga relihiyosong lipunan ay naniniwala lahat na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap. Ito ay dahil malinaw na nagsabi ang Panginoong Jesus na: “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Ipinropesiya rin ng Libro ng Pahayag: “Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya” (Pahayag 1:7). Pinananatili ko rin ang paniniwalang babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba nang nasa mga alapaap upang direkta tayong dalhin sakaharian ng langit. Tinatanggihan namin ang Panginoong Jesus na hindi bumaba nang nasa mga alapaap. Sinasabi ninyo na ang pagbabalik ng Panginoon ay pagbabalik sa katawang-tao at pagbaba nang palihim. Ngunit walang nakakaalam tungkol dito. Gayunman, ang lantarang pagbaba ng Panginoonnang nasa mga alapaap ay ganap! Kaya hinihintay naming bumaba ang Panginoonnang nasa mga alapaap at lantarang magpakita upang dalhin tayo nang direkta sa kaharian ng langit. Tama ba ang aming pag-unawa o hindi?

Sagot: Pagdating sa paghihintay sa Panginoon na bumaba nang nasa mga alapaap, hindi tayo dapat umasa sa mga paniniwala at imahinasyon ng...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito