Nang Alisin ang mga Magulang Ko sa Iglesia

Disyembre 8, 2022

Ni Ai Yi, Tsina

Isang araw noong Oktubre 2018, sinabi sa’kin ng isang superbisor, “Inalis ang mga magulang mo sa iglesia. Nabalitaan ko na dahil ito sa paggambala sa gawain ng iglesia.” Natigilan ako nang marinig ko ang balita. Hindi ko talaga mapaniwalaan ang narinig ko. Nakagawa ang mga magulang ko ng ilang nakakagambalang bagay, alam ko ‘yon noon pa, pero hindi ko akalaing masyadong malala ito para mapaalis sila. Nung oras na ‘yon, nakaupo lang ako roon nang gulung-gulo ang puso ko. Dati, ang nakatatanda kong kapatid na babae ay naging kasabwat ng anticristo at tumangging magsisi gaano man siya bahaginan, at sa huli ay pinatalsik siya sa iglesia. Ngayon ang mga magulang ko naman ang inalis sa iglesia, kaya ako na lang ang natitirang mananampalataya sa buong pamilya namin. Sa sandaling ‘yon, pakiramdam ko’y mag-isa lang ako. Mahigit dalawang dekada na mula nang umanib sa pananampalataya ang buong pamilya namin at naranasan namin ang pang-aapi ng CCP sa buong panahong ‘yon. Dalawang beses na inaresto ang ama ko dahil sa pagbabahagi ng ebanghelyo, at limang taon siyang nakulong. Kami ng ina at kapatid kong babae ay palipat-lipat kung saan-saan, nang walang tunay na tahanan, para makaiwas sa pag-aresto ng mga pulis. Nagkaroon ng lahat ng uri ng magaganda at masasamang pangyayari sa lahat ng mga taong ‘yon at malapit nang matapos ang gawain ng Diyos. Paanong pinaalis sila sa iglesia? Talagang nahirapan sila noong mga taong iyon. Nagdusa sila nang husto—talaga bang walang kabuluhan ang lahat? Sa isiping iyon, hindi ko na napigilan ang mga luha ko at sinubukan kong mangatwiran sa Diyos sa puso ko: Marahil ay hindi gaanong nag-ambag ang mga magulang ko, pero masyado na silang nagdusa. Kung iisipin ang lahat ng kanilang mga taon ng sakripisyo, hindi na ba sila pwedeng magkaroon ng isa pang pagkakataon na magsisi? Kahit man lang manatili sila sa iglesia bilang mga tagapagsilbi! Habang mas iniisip ko ‘yon, mas lalong masakit at malungkot ‘yon para sa akin, at nawalan ako ng sigla sa tungkulin ko. Pinaalalahanan ako ng sister na kapareha ko noon: “Kapag nahaharap sa isang bagay na tulad nito, kailangan mong tanggapin ito mula sa Diyos—hindi ka pwedeng magreklamo. Anuman ang gawin ng Diyos ay matuwid.” Naunawaan ko ang pangangatwiran noong panahong ‘yon, pero hindi ko talaga mabago ang pag-iisip ko.

Nabasa ko ang mga papeles sa pagpapaalis sa mga magulang ko makalipas ang dalawang linggo. Masyadong mayabang ang ama ko. Palagi niyang sinusunod ang gusto niya kapag nag-aasikaso siya ng mga pangkalahatang gawain, at hindi niya ginagawa ang tungkulin niya ayon sa prinsipyo. Hindi niya tinatanggap ang mga mungkahi ng mga kapatid, na nagdulot ng ilang malubhang pagkawala sa mga handog. Isa pa, kapag alam niyang may panganib sa kaligtasan niya, naghahatid pa rin siya ng mga libro ng mga salita ng Diyos. Hindi siya nakikinig sa anumang sinasabi ng mga kapatid, bagkus sumusunod lang sa gusto niya, kaya naaresto siya at nasentensiyahan dahil sa paghahatid ng mga libro, at nakumpiska ng mga pulis ang mga libro ng mga salita ng Diyos. Isa talaga iyong dagok sa mga interes ng iglesia. Isa pa, noong itiniwalag ang kapatid kong babae, binaluktot ng ama ko ang mga bagay-bagay, sinasabing nangyari ‘yon dahil pinag-initan ito ng lider. Pinalaki rin niya ang tungkol sa ilang katiwaliang ipinakita ng lider at nagbanta na pababagsakin niya ito sa pamamagitan ng kritisismo. May gawi ang aking ama na itaas at patotohanan ang kanyang sarili sa harap ng mga kapatid, at dahil dito ay tiningala at hinangaan siya ng mga ito. Kaya kapag nagsasabi siya ng mga ganoong bagay, nalilinlang ang ilan—pumapanig sila sa kanya at nagkakaroon ng pagkiling laban sa lider, na pumipigil sa gawain ng iglesia na umusad. Lubhang ginagambala ng pag-uugali ng ama ko ang gawain ng iglesia, at hindi siya nakonsensya o nagsisi sa lahat ng kasamaang nagawa niya. Sa huli, natukoy siya na isang masamang tao, at inalis sa iglesia. Naalis ang nanay ko higit sa lahat dahil hindi siya tumitigil sa pagrereklamo tungkol sa pagkakatiwalag ng nakatatanda kong kapatid na babae. Patuloy siyang nagpapakalat ng mga reklamo niya tungkol sa lider sa mga kapatid, at binabaluktot niya ang mga katunayan, palaging ipinagtatanggol sa mga pagtitipon ang ilang taong pinatalsik, sinasabing hindi naging patas sa kanila ang lider. Lubha iyong nakagambala sa buhay-iglesia. Ayaw niyang magsisi pagkatapos na magbahagi sa kanya ang iba nang maraming beses, at sa huli ay natukoy siya bilang isang masamang tao at inalis sa iglesia. Nang makita ko ang lahat ng masasamang gawa ng ina at ama ko, nakikita ko na batay sa mga prinsipyo, dapat silang alisin, pero nang maisip ko na talagang mangyayari ‘yon, hindi ko alam kung paano ko kakayanin. Nasasaktan ako nang husto. Para akong naparalisa at nanghina nang basahin ko ang mga dokumento sa pag-aalis sa kanila, at hindi ko na napigilang umiyak. Nagsimula rin akong mangatwiran sa Diyos: “Diyos ko, mahal Mo ang mga tao. 20 o 30 taon nang mananampalataya ang mga magulang ko at marami na silang pinagdusahan. Hindi Mo ba talaga aalalahanin ang anumang naibigay nila?” Nabubuhay ako sa pagkanegatibo at maling pagkaunawa. Pakiramdam ko, sa pagkakapalayas sa buong pamilya ko, na ako na lang ang natitirang mananampalataya, paano ako makakapanatili sa landas na ito? Kung kaya, sa loob ng mahigit dalawang taon, namuhay ako sa magulong kalagayang ito, at sa huli ay natanggal ako dahil wala akong natatamo sa aking tungkulin. Noong panahong ‘yon, lubha akong nasasaktan, at paulit-ulit akong nagdasal, habang umiiyak, “O Diyos! Nagkaroon ako ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Iyo dahil sa pagpapaalis sa mga magulang ko sa iglesia. Alam kong mapanganib na kalagayan ito, pero wala akong lakas na iwaksi ito. Diyos ko, gabayan at iligtas Mo po sana ako.”

Tapos isang beses sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Nang malaman na mahal ng Diyos ang sangkatauhan, itinuturing nila Siya na isang simbolo ng pagmamahal: Naniniwala sila na anuman ang ginagawa ng mga tao, paano man sila kumikilos, paano man nila tinatrato ang Diyos, at gaano man sila kasuwail, wala sa mga ito ang mahalaga, sapagkat ang Diyos ay may pagmamahal, at ang Kanyang pagmamahal ay walang hangganan at hindi masusukat; ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging mapagparaya sa mga tao; at ang Diyos ay may pagmamahal, kaya maaari Siyang maging maawain sa mga tao, maawain sa kanilang pagiging isip-bata, maawain sa kanilang kamangmangan, at maawain sa kanilang pagsuway. Ganito ba talaga ito? Para sa ilang tao, kapag naranasan na nilang minsan o kahit ilang beses ang pasensya ng Diyos, ituturing nila ang mga karanasang ito bilang puhunan sa kanilang sariling pagkaunawa sa Diyos, naniniwala na magiging mapagpasensya at maawain Siya sa kanila magpakailanman, at pagkatapos, habang nabubuhay sila, itinuturing nila ang pasensyang ito ng Diyos at isinasaalang-alang bilang pamantayan ng Kanyang pagtrato sa kanila. May mga tao rin na, matapos maranasan nang minsan ang pagpaparaya ng Diyos, ay magpakailanmang ipapakahulugan ang Diyos na mapagparaya—at sa kanilang isipan, ang pagpaparayang ito ay walang hangganan, walang kondisyon, at lubos pa ngang walang prinsipyo. Tama ba ang ganitong mga paniniwala?(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). “Ang Diyos ay matuwid sa pagtrato Niya sa bawat isang tao, at marubdob Niyang hinaharap ang gawain ng paglupig at pagliligtas sa mga tao. Ito ang Kanyang pamamahala. Tinatrato Niya nang seryoso ang bawat isang tao, at hindi kagaya ng isang alagang hayop na paglalaruan. Ang pagmamahal ng Diyos sa mga tao ay hindi ang klaseng nagpapalayaw o nagpapamihasa, ni hindi mapagbigay o pabaya ang Kanyang awa at pagpaparaya sa sangkatauhan. Bagkus, ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay may kasamang pagtatangi, pagkaawa, at paggalang sa buhay; inihahatid ng Kanyang awa at pagpaparaya ang Kanyang mga inaasahan sa kanila, at ang siyang kailangan ng sangkatauhan upang patuloy na mabuhay. Ang Diyos ay buhay, at ang Diyos ay talagang umiiral; ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan ay may prinsipyo, hindi man lamang sangkaterbang dogmatikong mga panuntunan, at maaari itong magbago. Ang Kanyang mga layunin para sa sangkatauhan ay unti-unting nagbabago at nag-iiba sa paglipas ng panahon, depende sa mga pangyayaring nagaganap, at pati na sa saloobin ng bawat isang tao. Samakatuwid, dapat mong malaman sa puso mo nang may tiyak na kalinawan na hindi nagbabago ang diwa ng Diyos, at na lalabas ang Kanyang disposisyon sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang konteksto. Maaaring hindi mo iniisip na seryoso ang bagay na ito, at maaaring ginagamit mo ang sarili mong mga kuru-kuro upang wariin kung paano dapat gawin ng Diyos ang mga bagay-bagay. Gayunman, may mga pagkakataon na totoo ang ganap na kabaligtaran ng iyong pananaw, at sa paggamit ng sarili mong personal na mga kuru-kuro para tangkaing sukatin ang Diyos, napagalit mo na Siya. Ito ay dahil hindi kumikilos ang Diyos sa paraang iniisip mo na ginagawa Niya, ni hindi Niya ituturing ang bagay na ito na kagaya ng sinasabi mong gagawin Niya(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ay mapagmahal, pero maprinsipyo ang pagmamahal ng Diyos sa tao. Hindi ito isang uri ng pagmamahal na bulag at walang prinsipyo na gaya ng sa mga tao. Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at may saloobin Siya sa mga kilos ng bawat tao. May pagmamahal at awa ang Diyos para sa mga nagmamahal sa katotohanan, pero mayroon pa ring mga paglabag. Ngunit pagdating naman sa mga masasamang tao na nayayamot at napopoot sa katotohanan, na gumagambala sa gawain ng Diyos, kinokondena at pinalalayas Niya sila. Hindi dahil mapagmahal ang Diyos ay nangangahulugan na itong kaya Niyang magpakita ng habag at pagpaparaya sa masasamang tao, at hahayaan silang gambalain ang gawain ng iglesia. Hindi ko naiintindihan ang diwa ng Diyos at nililimitahan ko ang Diyos gamit ang mga sarili kong kuru-kuro. Akala ko’y mahal ng Diyos ang mga tao, kaya hangga’t nananalig tayo at sumusunod sa Diyos at nagsasakripisyo para sa Kanya, gaano man karami ang ginagawa nating kasamaan, patuloy Niya tayong bibigyan ng mga pagkakataong magsisi. Kaya nang pinaalis ang mga magulang ko, hindi ko ito matanggap, at nangatwiran ako sa Diyos at nilabanan Siya. Bago paalisin ang mga magulang ko, binigyan sila ng iglesia ng maraming pagkakataon, pero umabot lang sila sa puntong ito dahil hindi sila nagsisi kahit kailan. Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at banal. Hangga’t handang magsisi ang mga tao sa kanilang mga paglabag at pagpapakita ng katiwalian, lubos na mahabagin at mapagparaya ang Diyos. Pero ang mga taong katulad ng mga magulang ko, na gumawa ng napakaraming kasamaan nang hindi tunay na nagsisisi, at pinatindi pa ang kanilang kasamaan, ay talagang mga anticristo, masasamang tao, at hindi magagawa ng Diyos na patuloy na magpakita ng awa at pagpaparaya sa ganoong klase ng mga tao. Lalong hindi Siya magiging maluwag sa kanila dahil lang sa matagal na silang mananampalataya at marami nang pinagdusahan.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung lumalakad ka sa Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, ‘Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.’ Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Nalaman ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagiging matuwid ng Diyos ay hindi tulad ng inakala ko, na tatanggapin natin ang parehong halagang ginugol natin. Hindi kailangang paboran ng Diyos ang mga taong maraming ginagawa, gumugugol ng kanilang sarili, nagtatrabaho at nagdurusa. Para sa Diyos, walang bagay na “Lahat ng pagsusumikap ay nararapat na kilalanin.” Hindi pinagpapasyahan ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa kung gaano kalaki ang kanyang pagdurusa at kataas ang kanyang ranggo, at hindi tinitingnan ng Diyos ang lawak ng kanyang mabababaw na sakripisyo. Ang susi ay kung hinahangad niya ang katotohanan at isinasagawa ito, kung nagbago ang kanyang disposisyon sa buhay. Kung hindi niya kailanman isinagawa ang mga salita ng Diyos, gaano man siya ka-may karanasan o gaano man siya nagdusa, hinding-hindi niya makakamit ang papuri ng Diyos. Siya ay matuwid na parurusahan ng Diyos dahil sa kasamaan na nagawa niya. Sinusukat ko ang pagiging matuwid ng Diyos gamit ang transaksiyonal na pag-iisip. Naisip ko na ang mga magulang ko’y nagsakripisyo at nagdusa nang lubos sa kanilang mga taon ng pananampalataya, kaya kahit gaano pa karaming kasamaan ang ginawa nila, dapat silang bigyan ng Diyos ng mas maraming pagkakataon na magsisi, hindi sila alisin, na hindi iyon patas sa kanila. Hindi ko talaga masabi kung ano ang tama at mali. Naisip ko si Pablo na naglakbay sa buong Europa para ipalaganap ang ebanghelyo ng Panginoon. Inaresto siya nang maraming beses at nagdusa nang husto, pero sa gawain niya ay palagi niyang itinataas at pinapatotohanan ang kanyang sarili. Sa huli, sinabi niya na nabubuhay siya bilang Cristo, at ang mamatay ay magiging pakinabang, at dahil dito ay talagang inidolo siya ng mga tao sa loob ng dalawang libong taon. May puwang siya sa puso ng mga tao na mas mataas kaysa sa Panginoong Jesus. Dahil doon, nilabag niya ang disposisyon ng Diyos at pinarusahan siya ng Diyos. Nakita ko mula rito na hindi tinitingnan ng Diyos ang lawak ng panlabas na pagsisikap ng mga tao, kundi binibigyan Niya ng parusa ang lahat ng gumagawa ng masama at mga hindi nagsisisi na lumabag sa Kanyang disposisyon, ayon sa kanilang mga gawa. Halimbawa, labis na nagsikap ang mga magulang ko at ginugol nang husto ang sarili nila, pero lahat ng ginawa nila ay nakakagambala sa gawain ng iglesia, at sinasabotahe ang tamang buhay-iglesia, pinipinsala ang buhay ng mga kapatid at sinisira ang mga interes ng iglesia. Ang alisin sila sa iglesia ay pagiging matuwid ng Diyos. Hindi ko naunawaan ang pagiging matuwid ng Diyos, bagkus kumapit ako sa isang transaksyonal na pag-iisip na ang pagsusumikap ay nararapat kilalanin, nangangatwiran at nagrereklamo sa Diyos, namumuhay sa negatibong kalagayan at lumalaban sa Diyos sa mahabang panahon. Napakarebelde ko! Nang mapagtanto ito, sumama ang pakiramdam ko at napuno ako ng pagsisisi, at nanalangin nang umiiyak, “Diyos ko! Nananalig ako sa Iyo sa lahat ng mga taong ito nang hindi Ka man lang nakikilala. Sinukat ko ang Iyong pagmamahal at pagiging matuwid gamit ang sarili kong mga kuru-kuro at imahinasyon, lagi Kang nilalabanan, nangangatwiran at nakikipagtalo sa’Yo. O Diyos, nakikita ko na ngayon na ang pagpapaalis sa mga magulang ko ay pagiging matuwid Mo.” Mas napanatag ako pagkatapos ng panalanging ‘yon.

Kalaunan, napagnilayan ko na labis na sumama ang loob ko sa pagpapaalis sa mga magulang ko sa iglesia dahil masyadong matindi ang damdamin ko para sa kanila. Kaya ako nahirapang tanggapin ang balita na inalis sila. Pinaalala nito sa’kin ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanyang paglaki hanggang sa kanyang pagtanda. Sa prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na lumalaki siya sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng kanyang pag-iral, at na mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, kaya nga inaaksaya niya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi’t araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos sa paghubog sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa kanyang panaginip at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). “Wala sa mga hindi mananampalataya ang nananalig na mayroong Diyos, o na nilikha Niya ang langit at lupa at ang lahat ng bagay, o na ang tao ay nilikha ng Diyos. May ilan pa ngang nagsasabi na, ‘Ang buhay ng tao ay ibinigay ng kanyang mga magulang, at dapat niya silang igalang nang husto.’ Saan nanggaling ang gayong kaisipan o pananaw? Galing ba ito kay Satanas? Libu-libong taon ng tradisyunal na kultura ang nagturo at luminlang sa tao sa ganitong paraan, na naging sanhi para itatwa nila ang paglikha at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung wala ang panlilinlang at pagkontrol ni Satanas, susuriin ng sangkatauhan ang gawain ng Diyos at babasahin ang Kanyang mga salita, at malalaman nila na nilikha sila ng Diyos, at na ang buhay nila ay ibinigay ng Diyos; malalaman nila na ang lahat ng mayroon sila ay ibinigay ng Diyos, at na ang Diyos ang siyang dapat nilang pasalamatan. Kung gawan man tayo ng mabuti ng sinuman, dapat nating tanggapin ito na mula sa Diyos. Partikular na, isinilang at pinalaki tayo ng ating mga magulang; isinaayos lahat ito ng Diyos. Ang Diyos ang siyang naghahari sa lahat; ang tao ay kasangkapan lamang para sa paglilingkod. Kung maisasantabi ng isang tao ang kanyang mga magulang, o ang kanyang asawa at mga anak, para gugulin ang kanyang sarili para sa Diyos, ang taong iyon ay magiging mas matatag at higit na makakadama ng pagkamatuwid sa harap Niya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao, at ang lahat ng mayroon tayo ay ibinigay sa atin ng Diyos. Umabot lang tayo sa kinalalagyan natin ngayon sa pamamagitan ng pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Sa lahat ng naging mabait o matulungin sa atin, dapat natin itong tanggapin na mula sa Diyos. Hindi ako sumusunod sa mga salita ng Diyos, kundi iniisip ko lang kung gaano kabuti ang mga magulang ko sa akin. Hindi ko nakita kung paanong ang pamamahala at pagsasaayos ng Diyos ay nasa likod ng lahat ng ginawa ng mga magulang ko, na ang pangangalaga, proteksyon, at patnubay ng Diyos ang nagdala sa akin hanggang sa araw na ‘to. Hindi ko pinasalamatan ang Diyos sa pangangalaga at proteksyon Niya o sinuklian ang Kanyang pagmamahal, kundi nilabanan at ipinagkanulo ko ang Diyos dahil hindi ko maisantabi ang damdamin ko sa mga magulang ko, hanggang sa puntong hindi na ako makapagpatuloy sa aking landas ng pananampalataya. Habang mas pinagninilayan ko ito, mas lalo kong naramdaman na wala akong konsensya, at napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan. “Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga taong masuwayin sa Diyos? Hindi ba sila yaong mga umaangkin na may pananampalataya, subalit salat sa katotohanan? Hindi ba sila yaong mga naghahangad na matamo lamang ang mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo para sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at nag-uukol ng budhi at pagmamahal sa kanila, ngunit sa pangyayaring ito, hindi ka ba nag-aabot ng mabubuting layon kay Satanas? Hindi ka ba kakampi ng mga demonyo? Kung hindi pa rin magawa ng mga tao sa mga araw na ito na makita ang kaibhan ng mabuti at masama, at patuloy na bulag na maging mapagmahal at maawain nang walang anumang layon na hangarin ang kalooban ng Diyos o magawang kupkupin bilang kanila sa anumang paraan ang mga layunin ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga katapusan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi naniniwala sa Diyos sa katawang-tao. Kung nakapag-uukol ka ng budhi at pagmamahal sa isang kaaway, hindi ka ba salat sa kahulugan ng pagiging matuwid? Kung bumabagay ka sa mga yaong kinamumuhian Ko at hindi Ko sinasang-ayunan, at nag-uukol pa rin ng pagmamahal o pansariling damdamin sa kanila, hindi ka ba masuwayin sa gayon? Hindi mo ba sinasadyang labanan ang Diyos? Nagtataglay ba ng katotohanan ang gayong tao? Kung nag-uukol ng budhi ang mga tao patungkol sa mga kaaway, pagmamahal sa mga demonyo, at habag kay Satanas, hindi ba nila sinasadyang gambalain ang gawain ng Diyos sa gayon?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Hinihingi ng Diyos na mahalin natin ang minamahal Niya, at kamuhian ang kinamumuhian Niya. Ang mga napopoot sa katotohanan at lumalaban sa Diyos ay talagang masasamang tao na kinasusuklaman at kinapopootan ng Diyos, kaya dapat din tayong mapoot sa kanila. Hindi ko tinukoy ang diwa ng mga magulang ko alinsunod sa mga salita ng Diyos. Gaano man nila napinsala ang gawain ng iglesia, pumanig ako sa kanila, nangangatwiran sa Diyos at nilalabanan Siya. Pinanghinaan pa nga ako ng loob sa tungkulin ko. Sa puntong iyon, naunawaan ko kung bakit sinabi ng Diyos, “Ang damdamin ay kaaway ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 28). Mapagmahal at mahabagin ako sa masasamang tao dahil naging emosyonal ako, umaasa pa ngang bibigyan sila ng Diyos ng isa pang pagkakataon para magsisi, hahayaan silang manatili sa iglesia. Napakahangal ko talaga! Kahit ano pang gawin ng masasamang tao, hinding-hindi sila magsisisi. Natutukoy ‘yon sa diwa nila. Ang hayaan silang manatili sa iglesia ay pagpapahintulot sa kanila na magpatuloy sa paggawa ng masama at paggambala sa gawain ng iglesia. Ito’y pagpanig sa masasamang tao at paglaban sa Diyos!

May isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko kalaunan na medyo nagbigay-liwanag sa akin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Balang araw, kapag nauunawaan mo na ang ilan sa katotohanan, hindi mo na iisipin na ang nanay mo ang pinakamabuting tao, o na ang mga magulang mo ang pinakamabubuting tao. Matatanto mo na mga miyembro din sila ng tiwaling sangkatauhan, at na pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tanging nagbubukod sa kanila ay na magkadugo kayo. Kung hindi sila naniniwala sa Diyos, kapareho sila ng mga hindi mananampalataya. Hindi mo na sila titingnan mula sa pananaw ng isang kapamilya, o mula sa pananaw ng inyong pagiging magkadugo, kundi mula sa panig ng katotohanan. Ano ang mga pangunahing aspetong dapat mong tingnan? Dapat mong tingnan ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos, ang kanilang mga pananaw tungkol sa mundo, ang kanilang mga pananaw tungkol sa paglutas ng mga problema, at ang pinakamahalaga, ang kanilang saloobin ukol sa Diyos. Kung titingnan mo nang tumpak ang mga aspetong ito, malinaw mong makikita kung sila ay mabubuti o masasamang tao. Kung balang araw ay malinaw mong makikita na katulad mo lang sila, na sila ay mga taong may mga tiwaling disposisyon, at higit pa riyan ay na hindi sila mababait na tao na may tunay na pagmamahal sa iyo na tulad ng inaakala mo, at na hindi ka nila talaga naaakay sa katotohanan o sa tamang landas sa buhay, at kung malinaw mong makikita na ang nagawa nila para sa iyo ay walang gaanong pakinabang sa iyo, at na wala talaga itong kabuluhan sa pagtahak mo sa tamang landas sa buhay, at kung matagpuan mo rin na marami sa kanilang mga pagsasagawa at opinyon ay salungat sa katotohanan, na sila ay makamundo, at kinasusuklaman mo sila dahil dito, at inaayawan at kinamumuhian mo sila, at dahil sa mga bagay na ito, matatrato mo sila nang tama sa puso mo, at hindi ka na mangungulila at mag-aalala sa kanila, at makakaya mo nang humiwalay sa kanila. Nakumpleto na nila ang kanilang misyon bilang mga magulang, at hindi mo na sila ituturing na pinakamalapit na mga tao sa iyo o iidolohin sila. Sa halip, ituturing mo silang mga ordinaryong tao, at sa panahong iyon, hindi ka na magpapaalipin nang lubusan sa iyong damdamin at talagang makakahiwalay ka na sa iyong damdamin at pagmamahal sa pamilya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago). Lubos na nakakaantig sa’kin na mabasa ito. Dahil napakatindi ng damdamin ko para sa mga magulang ko, nakita ko lang kung gaano sila kabuti sa akin, hindi ang kanilang saloobin sa katotohanan at sa Diyos. Hindi ko malinaw na nakita ang diwa nila o kung ano ang landas na tinatahak nila. Dahil dito, hindi ko maharap nang maayos ang usapin ng pag-aalis sa kanila, kundi naging emosyonal ako, nangangatwiran sa Diyos, nalulumbay at lumalaban sa loob ng mahigit dalawang taon. Malubhang napinsala ang buhay ko, at nakagawa ako ng mga paglabag. Ang pagdidilig at pagtutustos ng mga salita ng Diyos ang unti-unting gumising sa aking matigas at suwail na puso at binura ang aking mga kuru-kuro at maling pagkaunawa sa Diyos. Ngayon ay mas malaya na ang pakiramdam ko at may lakas ako para sa tungkulin ko. Salamat sa Diyos sa pagliligtas Niya.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman