Ang Pagtutustos Ba sa mga Magulang ay isang Misyong Ipinagkatiwala ng Diyos?

Mayo 12, 2024

Ni Liu Hui, Tsina

Noong katapusan ng Setyembre 2022, inuwi si Ming Hui ng kanyang asawa mula sa dentention center. Dahil sa pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, dalawang beses nang inaresto at inusig ng mga pulis si Ming Hui. Ito na ang ikalawang pagkakataong inaresto siya, at nasentensiyahan siyang mabilanggo nang tatlong taon. Dahil sa pag-iwas niya sa pagtugis ng mga pulis at kalaunan ay pagkakasentensiyang mabilanggo, 10 taon na magmula noong huling umuwi siya.

Pagkauwi sa bahay, nalaman ni Ming Hui na isang taon na ang nakalilipas, nang nagkasakit ang kanyang tatay at pumanaw, at naging paralisado naman ang kanyang ina. Nang makita niya ang kanyang ina, nagulat siya. Ang kanyang ina, na dating malakas, ay naka-wheelchair na ngayon. Pakiramdam ni Ming Hui ay may pagkakautang siya sa kanyang mga magulang. Siya ang bunso sa pamilya, at simula pagkabata, hindi siya hinahayaan ng kanyang tatay na gumawa ng kahit na anong gawain. Sobra naman siyang inalagaan ng kanyang ina. Nagpakahirap sila para mapalaki siya, tinustusan siya ng pagkain, mga pananamit, at pinag-aral siya, pero noong kailangan na siya ng mga ito, hindi niya man lang nagawa ang obligasyon niya bilang anak. Naalala ni Ming Hui noong unang beses na nakulong siya sa detention center. Nag-alala ang kanyang ina na bubugbugin ng mga pulis si Ming Hui, at dahil doon ay hindi nakakain o nakatulog ang kanyang ina. Ginamit ng kanyang ina ang mga koneksyon nito at gumastos ito ng pera para piyansahan siya. Habang inaalala ito ni Ming Hui, nilapitan niya ang kanyang ina. Habang umiiyak, sinabi ng kanyang ina, “Sa wakas ay nakauwi ka na. Alam mo ba kung gaano ako nangulila sa iyo sa loob ng maraming taong ito. Natakot akong nagdurusa ka at minamaltrato roon.” Nang marinig ni Ming Hui ang mga salitang ito, mas lalo siyang nakadama ng pagkakautang sa kanyang ina. Walang tigil ang pagluha niya, at naisip niya, “Dapat alagaan ng isang anak ang kanilang mga magulang sa kanilang pagtanda, pero noong nagkasakit ang mga magulang ko at nangailangan ng aking pag-aalaga, hindi ako nagkaroon ng pagkakataong alagaan at pagsilbihan sila. Hindi ko sila napakain o napainom ng gamot, lalong hindi ko sila nabigyang ginhawa. Hindi ako karapat-dapat sa kabutihang ipinakita nila sa pagpapalaki sa akin. Anong silbi ng pagpapalaki sa isang anak na tulad ko!” Habang mas nag-iisip si Ming Hui, lalo naman niyang sinisisi ang sarili niya. Sa mga sumunod na araw, ginugol ni Ming Hui ang bawat araw sa pag-aalaga sa kanyang paralisadong ina. Gusto niyang punan ang lahat ng taon ng pagkakautang niya sa kanyang ina. Hindi pa nagtatagal sa kanilang tahanan si Ming Hui nang may dalawang lokal na pulis na pumunta sa bahay niya at kinuhaan siya ng litrato. Sinabi rin nila na buwan-buwan ay pupuntahan nila si Ming Hui. Alam na alam ni Ming Hui na minamanmanan ng mga diyablong ito ang kinaroroonan niya. Magiging imposibleng manampalataya siya sa Diyos at magawa roon ang kanyang tungkulin.

Isang araw, nagpadala ng liham ang lider ng iglesia kay Ming Hui na hinihiling sa kanya kung pwede niyang gawin ang kanyang tungkulin sa ibang lugar. Nang matanggap niya ang liham, nakaramdam si Ming Hui ng galak at pag-aalala. Masaya siya na may pagkakataon pa rin siyang magawa ang kanyang tungkulin, pero nag-aalala siya dahil alam niyang mag-aalala siya sa kanyang ina na paralisado at matanda na. Nahirapan na nga siyang magkaroon ng pagkakataong makauwi at maalagaan ang kanyang ina. Kung aalis siya, wala siyang ideya kung kailan siya makakabalik. Hindi maiwasan ni Ming Hui na mag-isip-isip nang malalim, iniisip niya, “Pinalaki ako ng aking mga magulang. Nang pumanaw ang tatay ko, wala ako sa bahay. Kung pumanaw ang nanay ko at wala ako sa tabi niya, may pagkatao pa ba ako? Wala akong pakialam kung sinasabi ng mga kapitbahay na wala akong utang na loob; uusigin ako ng konsensiya ko dahil dito magpakailanman! Hindi ba’t sobrang nagpakahirap ang mga magulang ko para palakihin ako para makasama nila ako at maalagaan ko sila sa pagtanda nila? Nitong nakaraang ilang taon, inaresto at inusig ako ng Partido Komunista dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, at hindi ako kailanman nagkaroon ng pagkakataong pagsilbihan ang mga magulang ko. Inuusig na ako ng konsensiya ko dahil dito; hindi ko pwedeng abandonahin ang nanay ko ngayon.” Nang maisip niya ito, sumulat si Ming Hui ng liham na tinatanggihan ang kahilingan ng kanyang lider. Pagkatapos nito, pinagsabihan niya ang sarili sa kanyang puso. Bilang isang nilikha, dapat niyang gawin ang kanyang tungkulin, pero tinanggihan niya ito para manatili sa bahay at alagaan ang kanyang ina. Hindi ito naaayon sa layunin ng Diyos! Nang mga araw na iyon, sobrang nababagabag si Ming Hui at palagi niyang ipinapanalangin ang bagay na ito. Naisip niya ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang isang taong may normal na pagkatao ay dapat magkaroon ng konsiyensiya at katwiran kahit papaano. Paano mo malalaman kung nagtataglay ng konsiyensiya at katwiran ang isang tao? Kung ang kanyang pananalita at kilos ay karaniwang naaayon sa mga pamantayan ng konsiyensiya at katwiran, kung gayon, mula sa pananaw ng tao, siya ay isang mabuting tao, at isa siyang taong natutugunan ang tamang pamantayan. Kung nauunawaan din niya ang katotohanan at kumikilos siya ayon sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon ay natutupad niya ang mga hinihingi ng Diyos, na mas mataas kaysa sa pamantayan ng konsiyensiya at katwiran. Sinasabi ng ilang tao: ‘Ang tao ay nilikha ng Diyos. Binigyan tayo ng Diyos ng hininga ng buhay, at ang Diyos ang nagtutustos sa atin, nagpapalakas sa atin, at umaakay sa atin na lumaki tayo sa hustong gulang. Ang mga taong may konsiyensiya at katwiran ay hindi maaaring mamuhay para sa kanilang sarili o para kay Satanas; dapat silang mamuhay para sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin.’ Totoo ito, ngunit isa lamang itong malawak na balangkas, isang inisyal na gawa. Tungkol naman sa mga detalye ng kung paano mamuhay para sa Diyos sa realidad, may kinalaman dito ang konsiyensiya at katwiran. Kaya paano namumuhay ang isang tao para sa Diyos? (Gawin nang maayos ang tungkulin na dapat gawin ng isang nilikha.) Tama. Ngayon, ang ginagawa lang ninyo ay tuparin ang tungkulin ng tao, pero ang totoo, para kanino ninyo ito ginagawa? (Para sa Diyos.) Ito ay para sa Diyos, ito ay pakikipagtulungan sa Kanya! Ang atas na ibinigay ng Diyos sa inyo ay tungkulin ninyo. Ito ay nakatadhana, paunang itinakda, at pinamumunuan Niya, o sa madaling salita, ang Diyos ang nagbibigay ng gampaning ito sa iyo, at nais Niyang tapusin mo ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananalig sa Diyos). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ni Ming Hui kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng konsensiya at pagkatao. Siya ay isang nilikha, at bawat paghinga niya ay ibinigay ng Diyos sa kanya. Lahat ng mayroon siya ay itinustos ng Diyos sa kanya. Ang mabuhay siya hanggang sa araw na ito ay hindi maihihiwalay sa kataas-taasang kapangyarihan at pagtutustos ng Diyos, at sa lahat ng taong ito ng pananampalataya niya sa Diyos, natamasa niya ang pagdidilig at pagtutustos ng napakaraming salita ng Diyos. Kung talagang mayroon siyang katiting na konsensiya at katwiran, dapat niyang gawin nang maayos ang kanyang tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Hindi niya lang dapat alalahanin ang mga pansariling usapin niya, ang pamumuhay para lang sa kanyang pamilya, para sa kanyang mga magulang o mga anak; nangangahulugan ito ng kawalan ng konsensiya. Ngayon, ang mga nakatatandang kapatid niya ang nag-aalaga sa kanyang ina, at gagawin nila iyon nasa bahay man siya o wala. Sa mga sumunod na araw, nanalangin si Ming Hui sa Diyos at handa na siyang magpasakop sa pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at gawin ang kanyang tungkulin.

Noong Pebrero ng 2023, nakatakas si Ming Hui sa pagmamanman ng mga pulis at nilisan niya ang kanilang tahanan para gawin ang tungkulin niya. Sa wakas ay nakasama niyang muli ang mga kapatid, at isang hindi maipaliwanag na pananabik ang pumukaw sa puso niya. Isang araw, nabasa niya ang isang maikling artikulo tungkol sa isang babaeng nasa katanghaliang gulang na nabalitaang nagkasakit ang kanyang ina, kaya dinalhan niya ito ng pagkain at dinalaw ito. Gustong-gusto ng babaeng ito na dalhin sa bahay niya ang kanyang ina at alagaan ito nang ilang araw, pero hindi ito tinutulutan ng sitwasyon, at ang nagawa lamang niya ay ang magsabi ng ilang mapagmahal na salita sa kanyang ina. Hindi maiwasan ni Ming Hui na isipin ang kanyang sariling ina, at hindi siya makapagsalita sa kakaiyak. Nang makita siya ng katuwang niyang sister, pabirong sinabi nito, “Ano ang problema? Naaantig ka ba sa artikulong ito?” Nang oras na iyon, hindi nagawang tumugon ni Ming Hui sa sister. Para bang may pangitain siya na ang kanyang ina ay nakaupo sa wheelchair, inaasam na makita siya, at dahil dito, hindi niya namamalayang tumutulo na ang mga luha niya. Mula pagkabata, binigyan na niya ng napakaraming alalahanin ang nanay niya. Pagkatapos sumampalataya sa Diyos, dahil sa patuloy na pang-uusig ng Partido Komunista, naaresto siya at dalawang beses na nakulong. Madalas na nasa kalagayan ng pagkabalisa ang nanay niya dahil sa kanya. Hindi mabilang ang mga pagkakataong nag-alala sa kanya ang kanyang ina at walang tigil na lumuluha, at siguro ay si Ming Hui pa nga ang dahilan ng pagkakasakit nito. Ngayon, noong kinailangan na ng kanyang ina ang kanyang pagsisilbi, inabandona niya ito at ginawa ang kanyang tungkulin. Habang mas nag-iisip si Ming Hui, mas lalo niyang nadaramang pinagkakautangan niya ang kanyang ina, at napaiyak na nga siya. Napagtanto niyang namumuhay na naman siya sa kanyang pagmamahal, at dali-dali siyang nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, namumuhay na naman ako sa kalagayan ng pagkabalisa tungkol sa aking ina. Pakiusap, protektahan Mo ang puso ko at tulutan Mong makita ko ang mga tao at bagay batay sa Iyong mga salita, nang walang panggugulo ni Satanas. Amen!”

Pagkatapos niyon, binasa ni Ming Hui ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at medyo nakalaya ang puso niya. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa pagpapalaki sa iyo, ginagampanan lamang ng iyong mga magulang ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito dapat binabayaran, at hindi ito dapat isang transaksiyon. Kaya, hindi mo kailangang harapin ang iyong mga magulang o pangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideya ng pagsukli sa kanila. Kung talaga ngang tinatrato mo ang iyong mga magulang, sinusuklian sila, at pinangangasiwaan ang iyong relasyon sa kanila ayon sa ideyang ito, hindi iyon makatao. Kasabay nito, malamang na mapipigilan at magagapos ka ng mga damdamin ng iyong laman, at mahihirapan kang makalabas sa mga obligasyong ito, hanggang sa maaaring maligaw ka pa. Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, kaya wala kang obligasyon na isakatuparan ang lahat ng ekspektasyon nila. Wala kang obligasyong magbayad para sa mga ekspektasyon nila. Ibig sabihin, maaari silang magkaroon ng sarili nilang mga ekspektasyon. May sarili kang mga pasya, at ang landas sa buhay at tadhana na itinakda ng Diyos para sa iyo, na walang kinalaman sa iyong mga magulang. Kaya, kapag sinabi ng isa sa iyong mga magulang na: ‘Hindi ka mabuting anak. Hindi ka bumalik para makita ako sa loob ng napakaraming taon, at napakaraming araw na ang nakalipas mula noong huli mo akong tawagan. May sakit ako at walang nag-aalaga sa akin. Wala talagang saysay ang pagpapalaki ko sa iyo. Talagang isa kang walang malasakit na ingrata, at walang utang na loob na anak!’ kung hindi mo nauunawaan ang katotohanang ‘Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang,’ kapag narinig mo ang mga salitang ito, magiging kasingsakit ito ng isang kutsilyo na sumasaksak sa puso mo, at mararamdaman mo ang pagkondena ng iyong konsensiya. Babaon ang bawat isa sa mga salitang ito sa puso mo, at mahihiya kang harapin ang iyong magulang, pakiramdam mo ay may utang na loob ka sa kanya, at lubos kang makokonsensiya sa kanila. Kapag sinabi ng iyong magulang na isa kang walang malasakit na ingrata, talagang mararamdaman mong: ‘Tama talaga siya. Pinalaki niya ako hanggang sa edad na ito, at hindi pa niya natamasa ang aking tagumpay. Ngayon ay may sakit siya, at umaasa siya na makakapanatili ako sa kanyang tabi, pinagsisilbihan at sinasamahan siya. Kailangan niya ako para masuklian ang kanyang kabutihan, pero wala ako roon. Isa talaga akong walang malasakit na ingrata!’ Ituturing mo ang iyong sarili bilang isang walang malasakit na ingrata—makatwiran ba iyon? Isa ka bang walang malasakit na ingrata? Kung hindi mo nilisan ang iyong tahanan para gampanan ang iyong tungkulin sa ibang lugar, at nanatili ka sa tabi ng iyong magulang, mapipigilan mo kaya ang pagkakasakit niya? (Hindi.) Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo. Gaano ka man kabuting anak sa iyong mga magulang, ang pinakamainam na magagawa mo ay bawasan nang kaunti ang pagdurusa ng kanilang laman at ang kanilang mga pasanin, ngunit tungkol sa pagkakasakit nila, anong sakit ang nakukuha nila, kailan sila mamamatay, at saan sila mamamatay—may kinalaman ba ang mga bagay na ito sa iyo? Wala, walang kinalaman ang mga ito. Kung mabuti kang anak, kung hindi ka isang walang malasakit na ingrata, at ginugugol mo ang buong araw kasama sila, binabantayan sila, hindi ba sila magkakasakit? Hindi ba sila mamamatay? Kung magkakasakit sila, hindi ba’t magkakasakit pa rin naman talaga sila? Kung mamamatay sila, hindi ba’t mamamatay pa rin naman talaga sila? Hindi ba’t tama iyon? … Hindi mahalaga kung tawagin ka ng iyong mga magulang na isang walang malasakit na ingrata, ang mahalaga ay ginagawa mo ang tungkulin ng isang nilikha sa harap ng Lumikha. Hangga’t hindi ka isang walang malasakit na ingrata sa mga mata ng Diyos, sapat na iyon. Hindi mahalaga kung ano ang sasabihin ng mga tao. Ang sinasabi ng iyong mga magulang tungkol sa iyo ay hindi tiyak na totoo, at ang sinasabi nila ay hindi kapaki-pakinabang. Kailangan mong gawing iyong batayan ang mga salita ng Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na ikaw ay isang sapat na nilikha, kung gayon, hindi mahalaga kung tinatawag ka ng mga tao na isang walang malasakit na ingrata, wala silang anumang mapapala. Kaya lang sadyang maaapektuhan ang mga tao sa mga insultong ito dahil sa epekto ng kanilang konsensiya, o kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan at maliit ang kanilang tayog, at medyo hindi magiging maganda ang lagay ng kanilang kalooban, at makararamdam sila ng kaunting depresyon, ngunit kapag bumalik sila sa harap ng Diyos, ang lahat ng ito ay malulutas, at hindi na magiging problema para sa kanila(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Pinasalamatan ni Ming Hui ang Diyos sa puso niya. Kung hindi malinaw na nagbahagi ang Diyos tungkol sa katotohanan na, “Hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang,” palagi sana siyang maniniwala na dahil isinilang siya ng kanyang mga magulang, dahil nagpakahirap ang mga ito para pag-aralin siya, at sobrang nag-alala sa kanya, na ang kabutihan na ipinakita ng mga ito sa pagpapalaki sa kanya ay mas dakila kaysa sa anumang bagay, at dapat niyang suklian ang mga ito kapag lumaki na siya. Kung hindi niya ito magagawa, uusigin siya ng kanyang konsensiya, at tatawagin siya ng iba na walang utang na loob at hindi mabuting anak. Naniwala siyang kung nasa bahay lang sana siya noong mga taong iyon, naalagaan niya sana nang maayos ang tatay niya nang magkasakit ito, at hindi magiging sobrang balisa sa kanya ang kanyang ina. Kung ganoon, siguro ay hindi sana nagkasakit ang kanyang ina. Palagi niyang iniisip na may kinalaman sa kanya ang pagkakasakit ng kanyang ina. Ngayon, nabasa niya ang mga salita ng Diyos na sinasabing: “Makokontrol mo ba kung mabubuhay o mamamatay ang mga magulang mo? Makokontrol mo ba kung sila ay mayaman o mahirap? (Hindi.) Anuman ang sakit na makukuha ng iyong mga magulang, hindi iyon dahil sa pagod na pagod sila sa pagpapalaki sa iyo, o dahil sa nangulila sila sa iyo; lalong hindi sila magkakaroon ng alinman sa mga malubha, seryoso, at posibleng nakamamatay na sakit nang dahil sa iyo. Kapalaran nila iyon, at wala itong kinalaman sa iyo.” Napagtanto ni Ming Hui na ang kapalaran ng lahat ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Sa buhay na ito, kapag nagkasakit ang isang tao o kapag namatay ito ay mga bagay na matagal nang inorden ng Diyos. Kahit na palagi pa siyang nasa tabi ng kanyang mga magulang sa mga panahong iyon, hindi nito mababago ang kapalaran nila. Naisip ni Ming Hui kung paanong taun-taon ay maraming matatanda, na dahil sa mataas na presyon ng dugo, ay napuputukan ng ugat sa utak at inaatake sa puso, namamatay dahil sa mga biglaang pagkakasakit o naghihirap dahil sa hemiplegia dulot ng mga epekto ng sakit. Ang ilan sa mga taong ito ay may mga anak na inilaan ang kanilang sarili para sa pag-aalaga ng kanilang mga magulang, pero gaano man kagaling ang pag-aalaga nila, hindi nila mapipigilan ang pagkakasakit at pagkamatay ng mga magulang nila. Ang magagawa lamang nila ay ang dalhin kaagad ang kanilang mga magulang sa ospital para sa pagpapagamot, pero wala sa kanila ang kapangyarihan kung mapapagaling ba ng mga doktor ang kanilang mga magulang. Nang mabatid niya ito, naunawaan ni Ming Hui nang malinaw na ang pagkakasakit nang ganito ng kanyang ina ay hindi dahil sa nangungulila ang kanyang ina sa kanya o dahil sa sobrang pagod sa pagpapalaki sa kanya. Iyon ang kapalaran ng kanyang ina. Mas gumaan na ang pakiramdam ni Ming Hui.

Kahit na naunawaan na niya na ang pagkakasakit ng kanyang ina ay walang kinalaman sa kanya, sa sandaling maisip niya ang lahat ng bagay na ginawa ng kanyang ina para sa kanya, at kung paanong naging paralisado na ngayon ang kanyang ina at kailangang alagaan pero wala siya roon, medyo nakokonsensiya pa rin siya. Inisip niyang pinagkakautangan niya ang kanyang ina. Pagkatapos na pagkatapos nito, binasa niya ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na bumago sa mga pananaw niya tungkol sa usaping ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May kasabihan sa mundo ng mga hindi mananampalataya: ‘Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihan, pagsukli ng mga uwak sa kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang pagluhod ng mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayunpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. Kahit na ang mga medyo mabangis na karniboro tulad ng mga leon at tigre ay nag-aalaga sa kanilang mga supling at hindi nila kinakagat ang mga ito bago umabot sa hustong gulang ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng isang hayop. Anuman ang kanilang species, sila man ay mabangis o mabait at maamo, lahat ng hayop ay nagtataglay ng ganitong likas na gawi. Ang lahat ng uri ng nilalang, kabilang ang mga tao, ay maaari lamang magpatuloy na dumami at mabuhay sa pamamagitan ng pagsunod sa likas na gawi at batas na ito. Kung hindi sila sumusunod sa batas na ito, o wala silang ganitong batas at likas na gawi, hindi sila makapagpaparami at mabubuhay. Hindi iiral ang biological chain, at gayundin ang mundong ito. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang pagsukli ng mga uwak sa kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang pagluhod ng mga tupa para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong likas na gawi. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng likas na gawing ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatuwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—likas na gawi nila ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). “Sa panlabas, tila ang iyong mga magulang ang nagluwal ng iyong pisikal na buhay, at na ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng buhay. Ngunit, kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng Diyos, at mula sa ugat ng usaping ito, ang iyong pisikal na buhay ay hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang, dahil hindi kayang lumikha ng mga tao ng buhay. Sa simpleng pananalita, walang tao ang makakalikha ng hininga ng tao. Ang dahilan kung bakit nagiging tao ang laman ng bawat tao ay dahil taglay nila ang hiningang iyon. Ang buhay ng tao ay nakasalalay sa hiningang ito, at ito ang tanda ng isang buhay na tao. Ang mga tao ay may ganitong hininga at buhay, at ang pinagmulan at ugat ng mga bagay na ito ay hindi ang kanilang mga magulang. Sadyang nilikha ang mga tao sa pamamagitan ng pagsilang sa kanila ng kanilang mga magulang—sa pinaka-ugat, ang Diyos ang nagbibigay sa mga tao ng mga bagay na ito. Samakatuwid, hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran, ang Tagapamahala ng iyong buhay ay ang Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya ang buhay ng sangkatauhan, at binigyan Niya ng hininga ng buhay ang sangkatauhan, na siyang pinagmulan ng buhay ng tao. Samakatuwid, hindi ba’t ang linyang ‘Hindi ang mga magulang mo ang mga tagapamahala ng iyong buhay o ng iyong kapalaran’ ay madaling unawain? Ang hininga mo ay hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang, at lalong hindi binigay sa iyo ng iyong mga magulang ang karugtong nito. Ang Diyos ang nangangasiwa at namumuno sa bawat araw ng iyong buhay. Ang iyong mga magulang ay hindi makapagpapasya kung ano ang magiging takbo ng bawat araw sa iyong buhay, kung ang bawat araw ay magiging masaya at maayos, kung sino ang makakasalamuha mo araw-araw, o kung sa anong kapaligiran ka mamumuhay sa bawat araw. Sadya lamang na pinangangasiwaan ka ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mga magulang—ang iyong mga magulang ang mga taong ipinadala ng Diyos para mag-alaga sa iyo. Nang ipinanganak ka, hindi ang iyong mga magulang ang nagbigay sa iyo ng buhay, kaya’t sila ba ang nagbigay sa iyo ng buhay na nagpapahintulot sa iyo na mabuhay hanggang ngayon? Hindi rin. Ang pinagmulan ng iyong buhay ay ang Diyos pa rin, at hindi ang iyong mga magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakahinga nang maluwag si Ming Hui, Gaya ng sinabi ng Diyos, isang katunayan na “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina,” pero pinatutunayan lamang ng katunayang ito na ang lahat ng hayop sa natural na mundo ay tinutupad ang responsabilidad at obligasyon ng pagpapalaki sa kanilang mga anak. Ito ay isang kautusang ginawa ng Diyos para sa lahat ng bagay na nabubuhay. Kahit pa ito ay isang mabangis na tigre o leon, kapag bata pa at hindi pa malaki ang mga anak nito, itutuon nila ang kanilang sarili sa pag-aalaga at pagpapalaki sa mga ito hanggang sa kaya na ng mga itong maging mapag-isa. Ito ang kautusang ginawa ng Diyos para sa kanila, at likas din ito sa kanila. Mas mataas na uri ang mga tao kaysa sa ibang hayop, ang mga tao ay may puso at espiritu, at mas alam nila dapat kung paano sumunod sa kautusang ito. Kahit anong halaga pa ang ibayad ng mga magulang para sa kanilang mga anak, tinutupad lamang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at hindi ito matatawag na kabutihan. Napansin na ni Ming Hui na dati, naunawaan niya ang “Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina” sa paraan na hindi naaayon sa katotohanan. Naisip niya na ang ibig sabihin nito ay maski ang mga hayop nga ay alam kung paano suklian ang kabutihan ng kanilang mga magulang sa pagpapalaki sa kanila, at kung hindi niya magagawa ito ay mas masahol pa siya sa hayop. Mali ang gayong pagkaunawa at hindi ito naaayon sa mga salita ng Diyos. Ang pagsilang at pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang at ang pagtutustos sa kanya ng mga ito ng pagkain, damit, at pagpapaaral ay pawang mga responsabilidad at obligasyon na dapat nilang tuparin bilang mga magulang. Hindi niya dapat palaging madamang pinagkakautangan niya ang mga magulang niya, lalong hindi niya dapat palaging isipin na dapat niyang suklian ang kabutihan nila. Sa panlabas, isinilang at pinalaki siya ng kanyang mga magulang, pero inorden ito ng Diyos. Binabantayan ng mga magulang ang pamumuhay ng kanilang mga anak at pinalalaki ang mga ito hanggang sa hustong gulang, pero pagdating sa mabubuti o masasamang kapalaran ng kanilang mga anak, at pagdating sa mga partikular na bagay na mangyayari sa kanilang mga anak o kapag may nangyaring aksidente sa mga ito, lahat ng iyon ay wala na sa kanilang mga kamay. Biglang naalala ni Ming Hui ang isang pagkakataon noong siya ay lima o anim na taong gulang, noong maglaro siya sa tabi ng ilog kasama ang ate niya na mas matanda ng dalawang taon at aksidenteng nahulog siya sa isang malalim na hukay. Nakainom siya ng maraming tubig at halos malunod na. Umiiyak na hinila siya ng kanyang ate mula sa hukay. Noong panahong iyon, kahit na hindi pa siya nananampalataya sa Diyos, kung hindi siya binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos, maaaring tumigil na siya sa paghinga at matagal nang pumanaw. Gaano man siya kamahal ng mga magulang niya, wala silang kontrol kung mabubuhay o mamamatay siya. Ang mabuhay siya hanggang ngayon ay ganap na resulta ng pag-aalaga at pagpoprotekta ng Diyos. Dapat niyang isipin kung paano suklian ang pagmamahal ng Diyos at gawin ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha; ito ang dapat na gawin ng isang taong may konsensiya at katwiran.

Pagkatapos na pagkatapos nito, nabasa ni Ming Hui ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa presensiya ng Lumikha, ikaw ay isang nilikha. Ang dapat mong gawin sa buhay na ito ay hindi lamang ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, kundi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad at tungkulin bilang nilikha. Matutupad mo lamang ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang batay sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi sa pamamagitan ng paggawa ng anumang bagay para sa kanila batay sa iyong mga pang-emosyonal na pangangailangan o sa mga pangangailangan ng iyong konsensiya. … Siyempre, sasabihin ng ilang tao na: ‘Pawang katunayan ang lahat ng sinabi Mo, pero nararamdaman ko na walang pagmamahal ang pagkilos nang ganito. Palaging inuusig ang aking konsensiya, at hindi ko na ito kayang tiisin.’ Kung hindi mo na kayang tiisin ito, pagbigyan mo na lang ang iyong nararamdaman; samahan mo ang iyong mga magulang at manatili ka sa kanilang tabi, paglingkuran sila, maging mabuting anak, at gawin ang kanilang sinasabi, tama o mali man sila—maging parang kanilang munting buntot at tagapaglingkod, ayos lang ito. Sa ganitong paraan, walang mamumuna sa iyo kapag nakatalikod ka, at pag-uusapan maging ng iyong mga kamag-anak kung gaano ka kabuting anak. Gayunpaman, sa huli, ang tanging magdurusa ng kawalan ay ikaw. Napangalagaan mo ang iyong reputasyon bilang isang mabuting anak, natugunan mo ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, hindi kailanman naakusahan ang iyong konsensiya, at nasuklian mo ang kabutihan ng iyong mga magulang, ngunit may isang bagay kang napabayaan at naiwala: Hindi mo tinrato at hinarap ang lahat ng bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at nawalan ka ng pagkakataon na gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay naging mabuting anak ka sa iyong mga magulang ngunit ipinagkanulo mo ang Diyos. Nagpakita ka ng pagiging mabuting anak at tinugunan mo ang mga emosyonal na pangangailangan ng laman ng iyong mga magulang, subalit naghimagsik ka laban sa Diyos. Mas pipiliin mong maging isang mabuting anak kaysa gampanan ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang pinakamalaking kawalan ng respeto sa Diyos. Hindi sasabihin ng Diyos na isa kang taong nagpapasakop sa Kanya o na nagtataglay ka ng pagkatao dahil lang sa mabuti kang anak, hindi mo binigo ang iyong mga magulang, may konsensiya ka, at tinutupad mo ang iyong mga responsabilidad bilang anak. Kung tinutupad mo lang ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya at ang mga emosyonal na pangangailangan ng iyong laman, ngunit hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan bilang batayan at mga prinsipyo sa pagtrato o pangangasiwa ng bagay na ito, kung gayon, ipinapakita mo ang pinakamalaking paghihimagsik laban sa Diyos. Kung gusto mong maging isang kwalipikadong nilikha, dapat mo munang tingnan at gawin ang lahat ng bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Ito ang tinatawag na pagiging kwalipikado, pagkakaroon ng pagkatao, at pagkakaroon ng konsensiya. Sa kabaligtaran, kung hindi mo tatanggapin ang mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo at batayan sa pagtrato o pangangasiwa sa bagay na ito, at kung hindi mo rin tinatanggap ang misyon ng Diyos para sa iyo na lumabas at gampanan ang iyong mga tungkulin, o mas gugustuhin mo pang ipagpaliban o isuko ang pagkakataon na gampanan ang iyong mga tungkulin para makapanatili ka sa tabi ng iyong mga magulang, samahan sila, bigyan sila ng kaligayahan, hayaan silang matamasa ang kanilang mga huling taon sa buhay, at suklian ang kanilang kabutihan, sasabihin ng Diyos na ikaw ay walang pagkatao o konsensiya. Hindi ka isang nilikha, at hindi ka Niya makikilala(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Naalala ni Ming Hui ang unang pagkakataon na pinadalhan siya ng lider ng iglesia ng liham na hinihiling sa kanyang lisanin ang bahay niya para gawin ang tungkulin niya. Ang una niyang naisip ay may malaking pagkakautang siya sa mga magulang niya sa mga nakalipas na taon. Sa partikular, masyadong huli na para makabawi siya sa pagkakautang niya sa kanyang tatay. Kung iiwan niya rin ang kanyang nanay, mas lalong magiging mahirap na magpaliwanag. Para mapagaan nang kaunti ang konsensiya niya at para masabi ng mga kapitbahay niya na mabuti siyang anak, tinanggihan niya ang kanyang tungkulin at nanatili siya sa bahay para alagaan ang kanyang ina. Naniwala siyang ito ang ibig sabihin ng pagiging may konsensiya at pagkatao. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan niya na bilang isang nilikha na hinihinga ang hiningang ibinigay sa kanya ng Diyos at tinatamasa ang lahat ng itinutustos ng Diyos, dapat niyang suklian ang pagmamahal ng Diyos. Gayunpaman, nang kailanganin ng iglesia na gawin niya ang kanyang tungkulin, tinanggihan niya ito para maalagaan ang kanyang ina. Kahit na alagaan pa niyang mabuti ang nanay niya at purihin siya ng iba sa pagiging mabuting anak, siya ay wala pa ring konsensiya o pagkatao sa harap ng Lumikha. Nang maisip niya ito, hindi mapigilan ni Ming Hui na mamuhi sa sarili niya, at naisip niya, “Kung hindi ako nanampalataya sa Diyos at hindi ko nabasa ang mga salita ng Diyos, mapapalampas ito. Ngayon, maraming taon na akong nananampalataya sa Diyos at napakarami ko nang nabasa sa mga salita Niya, pero ang mga pananaw ko sa bagay-bagay ay katulad pa rin sa mga hindi mananampalataya. Ako ba ay walang pananampalataya? Para makasunod sa Panginoong Jesus, maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at magabayan ang mga iglesia, inabandona ni Pedro ang mga magulang at pamilya niya. May mga banyagang misyonaryo rin na tinalikuran ang kanilang mga pamilya at tinawid ang mga karagatan para pumunta sa Tsina at ipinalaganap sa amin ang ebanghelyo ng kaharian ng langit ng Panginoong Jesus. Sila rin ay may mga magulang, anak at kamag-anak. Gayunman, ang inisip nila ay hindi ang kanilang mga pamilya, hindi ang kanilang mga magulang at anak, kundi kung paano isaalang-alang ang layunin ng Diyos at kung paano dadalhin sa harap ng Diyos ang mga tao na namumuhay sa kasalanan at lubusang napinsala ni Satanas para tanggapin ng mga ito ang pagliligtas ng Diyos. Ito ang mga taong may konsensiya at pagkatao. Ngayon, dumating na ang mga huling araw, at malapit nang magtapos ang gawain ng Diyos. Ang coronavirus, pagbaha, digmaan, at lahat ng uri ng sakuna ay dumating na sa atin. Maraming tao pa rin ang hindi pa naririnig ang ebanghelyo ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Nanganganib ang mga taong ito na mawala anumang oras sa mga sakuna. Ngayong may pagkakataon na akong gawin ang aking tungkulin at ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian—hindi ba’t ito ang pinakamakatarungan at makahulugang bagay? Ito ang uri ng bagay na dapat gawin ng isang taong may pagkatao! Ano naman kung mataas ang pagpapahalaga sa akin ng iba? Bilang isang nilikha, ang pagtupad lamang sa aking tungkulin at pagtanggap sa pagsang-ayon ng Lumikha ang pinakamahalaga.” May nabasa pang sipi si Ming Hui sa mga salita ng Diyos at nagkamit siya ng higit na kaalaman tungkol sa problema niya. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan nilang igalang ang kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang magulang ay isang walang-galang na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang tungkuling igalang ang magulang kaysa anupaman. Kung hindi ko ito tutuparin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong walang-galang na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsiyensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng paggalang sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahanap ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik sa Diyos—ito ang mga taong kinamumuhian ng Diyos, at dapat din natin silang kamuhian. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga haka-haka ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang isip mo, at ang puso mo, na iniiwan kang walang kakayahan na matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay inari na ng mga bagay na ito ni Satanas, at ginawa kang walang kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at ginagawa kang walang lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga taong ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, hinahayaan ang sarili mo sa mga tradisyonal na haka-haka ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling magkasala sa Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos? May mga taong maraming taon nang nananalig sa Diyos, ngunit wala pa ring kabatiran sa usapin ng paggalang sa magulang. Talagang hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Hindi nila kailanman malalagpasan ang balakid na ito ng mga makamundong relasyon; wala silang tapang, ni tiwala sa sarili, lalo nang wala silang determinasyon, kaya hindi nila kayang mahalin at sundin ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). Sa isang iglap, ginawang maliwanag ng mga salita ng Diyos ang puso ni Ming Hui. Napagtanto niya na ang pagtanggi niyang bitiwan ang kanyang ina ay mula sa indoktrinasyon at impluwensiya ng tradisyonal na kultura na itinanim ni Satanas sa kanya. Namuhay siya sa mga satanikong lason “Ang paggalang sa magulang ay isang katangiang dapat taglayin nang higit sa lahat,” “Pinalaki ka ng mga magulang mo para maalagaan mo sila sa pagtanda nila,” at “Huwag maglakbay nang malayo habang nabubuhay pa ang iyong mga magulang.” Mula pagkabata, madalas niyang naririnig ang mga sinasabi ng mga tao tulad ng, “Ang anak ni ganito’t ganyan ay talagang mabuting anak; alam niya kung paano maging mabuting anak sa mga magulang niya at suklian ang kabutihan nila. Talagang may konsensiya siya! Samantala, ang anak naman ni ganito’t ganyan ay walang silbi. Nagkasakit na nga ang mga magulang niya pero hindi man lang siya nagmalasakit sa kanila. Walang utang na loob na anak. Ibinasura na niya ang konsensiya niya!” Naitanim sa kaibuturan ng puso ni Ming Hui ang mga salitang ito. Inuna niya ang pagiging mabuting anak sa mga magulang niya at inisip niyang dahil may sakit ang nanay niya, bilang anak ay dapat niyang samahan ito para pagsilbihan ito. Kung wala siya sa tabi ng kanyang ina, siya ay hindi isang mabuting anak. Natakot siyang matawag ng mga kapitbahay na walang utang na loob na anak na walang pagkatao, kaya tinanggihan niya ang kanyang tungkulin. Kalaunan, kahit na nagsimula na siyang gawing muli ang tungkulin niya, nararamdaman pa rin niya ang pagkakautang niya sa kanyang ina. Napagtanto niyang mahigpit siyang nagagapos ng mga satanikong lason na ito. Sa sandaling ito, naisip ni Ming Hui kung paanong ang kanyang ina ay walang pananampalataya. Noong isang taon, dahil hindi makayanan ng nanay niya ang pagpapahirap ng karamdaman nito, sumamba ito sa masasamang espiritu. Bukod sa hindi magawang mahalin ni Ming Hui ang minamahal ng Diyos at kamuhian ang kinamumuhian ng Diyos hinayaan niya ring maapektuhan ng pag-aalala niya para sa kanyang ina ang kanyang tungkulin. Hindi ba’t ito ay kawalan ng kakayahan na matukoy ang mabuti sa masama at makilatis ang tama sa mali? Kinamuhian ni Ming Hui ang sarili niya dahil sa pagiging bulag at ignorante niya! Napabuntong hininga siya, iniisip niya, “Buti na lang, ipinahayag ng Diyos ang mga salitang ito at sinabi sa atin ang mga prinsipyong dapat nating isagawa sa pagtrato sa ating mga magulang. Dahil lamang dito kaya mabibitiwan ko ang aking pagkakautang sa aking nanay at maitutuon ang aking isipan sa aking tungkulin. Kung hindi, sa buong buhay ko ay makokontrol lamang ako ng tradisyonal na kaisipang itinanim ni Satanas sa akin at hindi ako magiging handang gawin ang aking tungkulin. Sa huli, mawawalan ako ng pagkakataong maligtas at magiging kaawa-awa ako.”

Nabasa ni Ming Hui ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos at natutuhan niya kung paano ituring ang mga magulang niya. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang magagawa kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon ka ngang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, palagi silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo lang ito magawa. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging masamang anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng kaunting hirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka masamang anak; hindi ka pa umabot sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka masamang anak. Ito ang dalawang dahilan. … Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga ay na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pakikinig sa napakaraming katotohanan, kahit papaano, ang mga tao ay may ganitong kaunting pagkaunawa at pagkaintindi: Ang kapalaran ng tao ay itinatakda ng Langit, ang tao ay namumuhay sa mga kamay ng Diyos, at ang pagkakaroon ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga alalahanin, pagiging mabuting anak, o ang samahan ka ng iyong mga anak. Hindi ba’t magaan sa pakiramdam na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ang iyong mga magulang? Hindi mo na kailangang mag-alala para sa kanila. Kung mag-aalala ka, ibig sabihin ay wala kang tiwala sa Diyos; masyadong maliit ang iyong pananalig sa Kanya. Kung tunay kang nag-aalala at nagmamalasakit para sa iyong mga magulang, dapat kang madalas na magdasal sa Diyos, ipagkatiwala sila sa mga kamay ng Diyos, at hayaang patnugutan at isaayos ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). “Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay na ito, at lahat ito ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, na ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon ng paglikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang piliting gawin ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong mga responsabilidad na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang masamang bagay, sumasalungat lang ito nang kaunti sa iyong konsensiya, moralidad ng tao, at mga kuru-kuro ng tao. Ngunit kahit papaano, hindi ito sumasalungat sa katotohanan, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi uusigin ang iyong konsensiya sa bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 17). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ni Ming Hui na kaya hindi siya makauwi para maalagaan ang mga magulang niya sa loob ng ilang taong ito ay pangunahing dahil sa pang-uusig at pang-aaresto ng Partido Komunista. Napilitan siyang mawalan ng pagkakataong manatili sa bahay para alagaan ang kanyang mga magulang; hindi ito dahil sa sinadya niyang iwasan ang responsabilidad niyang suportahan ang kanyang mga magulang. Ngayon, may criminal record na siya, at pupuntahan siya ng mga pulis sa bahay anumang oras para ligaligin siya at manmanan ang kinaroroonan niya. Talagang imposibleng makasampalataya siya sa Diyos at magawa ang tungkulin niya sa bahay, kaya wala siyang magagawa kundi ang lisanin ang bahay nila. Bilang isang nilikha, ang paggawa sa tungkulin ng isang nilikha ay mas mahalaga kaysa sa pagiging isang mabuting anak sa kanyang mga magulang. Ito ang pinakamakatarungang bagay na gagawin niya sa kanyang buhay, bukod pa sa ito ay kanyang misyon. Mula sa mga salita ng Diyos, natuklasan ni Ming Hui ang isang landas sa pagsasagawa. Kung pinahihintulutan ng sitwasyon at kung may pagkakataon siyang makauwi at maalagaan ang kanyang ina, maaari niyang tuparin kung gayon ang responsabilidad at obligasyon niya bilang anak at alagaan ang kanyang ina. Kung hindi angkop ang sitwasyon, hindi niya kailangang sisihin ang sarili niya. Walang anumang pagkakautang ang mga anak at magulang sa isa’t isa. Nang mabatid ito ni Ming Hui, gumaan ang pakiramdam niya. Sa puso niya ay pinasalamatan niya ang Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang tumulong sa kanya na makita nang malinaw kung paano pininsala ng tradisyonal na kultura ang mga tao at na maunawaan na bilang isang nilikha, ang mabuhay lamang na ginagawa ang tungkulin mo ang makabuluhan at ginagawa nito ang isang tao na talagang magkaroon ng konsensiya at pagkatao. Sa mga sumunod na araw, ibinigay na ni Ming Hui ang buong puso niya sa kanyang tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman