Noong Ako’y Bente Anyos

Enero 20, 2022

Ni Liu Xiao, Tsina

Noong bente anyos ako, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pananampalataya sa Diyos at pinahirapan. Hindi ko makakalimutan kailanman ang karanasan na iyon. Isang araw iyon nang Hunyo, lagpas alas siyete ng umaga, nang ako’y nasa isang pagpupulong kasama ang tatlo pang sister sa kuwarto ng bahay ng isang nakatatandang sister. Bigla kong narinig na malakas na sinabi ng nakatatandang sister na nasa sala, “Sino kayo? Anong kailangan ninyo?” Sabi ng isang boses ng lalaki, “Pulis kami, nandito kami para halughugin ang bahay mo!” Natakot ako nang marinig ’yon, at nagsimulang kumabog ang puso ko, kaya dali-dali kong kinandado ang pinto ng kuwarto at itinago ang mga libro ng salita ng Diyos. Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos sa aking puso, hinihiling sa Kanya na protektahan ang puso ko at bigyan ako ng tapang at karunungan para makatayo akong saksi. Matapos kong magdasal, naisip ko kung paanong sinasabi ng salita ng Diyos, “Hindi ka dapat matakot dito at doon; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; … Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng tapang at pananampalataya ng salita ng Diyos. Ang Diyos ay walang hanggang makapangyarihan, at kasama ang Diyos bilang aking tagasuporta, ano ang dapat kong ikatakot? Nadama kong kasama ko ang Diyos, at unti-unti akong kumalma. Pagkatapos no’n, nagsimulang sipain ng mga pulis ang pinto namin, at hindi nagtagal, nagkaroon ng malaking butas sa pinto. Ilang pulis ang pumasok at dinala kami sa sala. Napakagulo sa sala, at maraming libro ng salita ng Diyos ang nakalatag sa sahig. Nakaramdam ako ng kapwa galit at hinanakit. Ang mga pulis na ’to ay pumasok sa bahay namin na parang mga sanggano at kinalkal ang lahat. Ito ay paniniil na kawalan ng batas!

Pagdating namin sa istasyon ng pulis, hiwa-hiwalay kaming tinanong ng mga pulis. May lima o anim na lalaking pulis sa interrogation room, lahat ay malalaki, malalapad, at mukhang malulupit. Ang isa sa kanila ay may hawak na bakal na pamalo na tatlo hanggang apat na sentimetro ang kapal at kalahating metro ang haba. Ngumiti siya nang nakakatakot at sinabing, “Matagal ka na naming minamatyagan. Sino ang nangaral sa ’yo ng pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos? Saan mo nakuha ang mga librong ito ng salita ng Diyos?” Nang hindi ko siya sagutin, tumawa siya at sinabing, “Hindi ka magsasalita? Sige, hindi kita hahampasin sa ngayon. Palalambutin muna kita nang kaunti. Gagawin kitang lubos na miserable.” Pagkatapos, pinag-horse stance niya ako. Noong sa tingin niya ay hindi tama ang postura ko, malakas niyang sinipa ang mga binti ko. Nang makita niyang lumalaylay ang mga braso ko, hinampas niya ng pamalong bakal ang mga braso ko. Hindi nagtagal, hindi ko na mapanatiling nakataas ang mga braso ko, sobrang nangangalay na ang mga binti ko, at nagsimulang manginig ang katawan ko. Inutusan niya akong manatiling naka-half squat habang nakasandal sa metal cabinet. Matapos mag-squat ng mga sampung minuto, hindi ko na talaga kayang panatilihin ang posisyon, at nanlalambot akong bumagsak sa sahig. Itinayo ako ng dalawa sa mga pulis at inutusan akong ipagpatuloy ang pag-squat, at pagkatapos nagpatuloy silang kuwestiyunin ako. Wala akong sinabing anuman, kaya ang isa sa kanila ay hinablot ang buhok ko at idiniin ako sa metal cabinet, nabunot ang dalawang kumpol ng buhok ko habang ginagawa niya ’yon. Ang isa pang pulis na may hawak na batutang de-kuryente ay paminsan-minsang sinisindihan at pinapatay ’yon. Naririnig ko ang kaluskos ng kuryente sa hangin. Binantaan niya ako sa pagsasabing, “Makinig ka, masakit ang batutang ’to kapag nakasindi, at kayang makaluto ng karne ang kuryente. Kung hindi ka pa magsisimulang magsalita, gagamitin ko ang batutang de-kuryente na ’to sa ’yo!” Naisip ko sa sarili ko: “Kayang gawin ng mga pulis na ’to ang kahit ano. Kung talagang gagamitin niya sa akin ang batutang de-kuryente, kakayanin ko kaya?” Habang lalo akong nag-iisip, mas natatakot ako. Nagdasal ako sa Diyos para hilingin sa Kanya na gabayan ako, at pagkatapos naalala ko na sinabi ng Panginoong Jesus, “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siya na makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Pagkatapos naunawaan ko, maaari lang wasakin ni Satanas ang katawan ko, hindi ang kaluluwa ko. Kahit na pahirapan ako hanggang mamatay ng mga pulis, pisikal na kamatayan lang ’yon. Nasa mga kamay ng Diyos ang kaluluwa ko, kung inaalala ko lang ang aking laman, mamumuhay ako ng isang walang kabuluhan at walang-dangal na buhay at magiging isang Judas, at sa huli, ang aking espiritu, kaluluwa, at katawan ay mawawasak at mapaparusahan. Naisip ko rin kung paanong kinokontrol ng Diyos ang lahat at na maestro Siya ng lahat ng bagay. Kung wala ang pahintulot ng Diyos, hindi mangangahas si Satanas na kitilin ang buhay ko. Katulad noong tinukso ni Satanas si Job, nang walang pahintulot ng Diyos, hindi nangahas si Satanas na patayin si Job. Nabawasan ang takot ko nang maisip ko ang mga bagay na ’yon. Nagpasya ako na kahit na kuryentihin ako hanggang mamatay, hindi ko pagtataksilan ang Diyos o ang aking mga kapatid. Kaya, sinabi ko sa kanila na wala akong alam. Galit niyang itinaas ang batutang de-kuryente at kinuryente ako gamit ’yon. Hindi inaasahan, biglang namatay ang batutang de-kuryente. Naguluhan, sinabi niyang, “Bakit namatay? Nakasindi ’to ngayon-ngayon lang ah!” Sa puso ko, paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos. Nang makita ng mga pulis na hindi gumana ang panlalansi na ito, nagdesisyon silang sumubok ng isa pa. Hinawakan ako ng ilang pulis at pinaso ang mga braso ko gamit ang mga upos ng sigarilyo. Humiyaw ako sa sakit, pero mahigpit ang pagkakahawak nila at hindi ako makagalaw. Lalong miserable at walang magawa ang pakiramdam ko sa sandaling ’yon. Naisip ko, “Sa simula pa lang ng pagtatanong, marami na silang ginamit na iba’t ibang pamamaraan para pahirapan ako. Kung magpapatuloy ’to, kakayanin ko kaya?” Sa sandaling ’yon, naalala ko ang isang himno, “Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya. Determinado akong manindigan sa aking pagpapatotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Sa mga pangaral ng Diyos na nakakabit sa puso ko, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap. Magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi na Siya muling bibigyan ng alalahanin. …” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Agad na nagbigay ito sa akin ng kompiyansa at lakas. Kahit na inaresto at pinahirapan ako ng mga pulis, hindi ako puwedeng sumuko kay Satanas dahil lang sa pisikal na pagdurusa. Kaya pinigilan ko ang aking mga luha at walang sinabi sa kanilang kahit ano.

Isa sa mga pulis ang patuloy akong tinatanong. “Ano ang tungkulin mo? Sino ang lider mo? Nasaan ang donasyong pera?” Sinabi ko sa kanya na hindi ko alam. Galit na galit siya na kinuha niya ang cellphone niya at pinukpok ang magkabilang panig ng mukha ko nang paulit-ulit, sinisigawan ako habang ginagawa ’yon, “Sasabihin mo na ba sa akin ngayon? Kung ngayon kaya!” Hindi ko alam kung gaano karaming beses niya akong pinukpok, pero bugbog at namamaga ang pakiramdam ng mukha ko, malapit nang mamanhid. Isa sa mga pulis na nasa tabi niya ay sinabing, “Masyadong magaan ang paggamit ng cellphone. Panoorin mo ’to.” Habang sinasabi niya ’yon, kinuha niya ang pamalong bakal at hahampasin na sana ako, pero pinigilan siya ng isa sa iba pang pulis, at pagkatapos ay mapagkunwari nitong sinabi sa akin, “Mas mabuti kung sasagutin mo na lang kami. Kakayanin mo ba kung hahampasin ka niya ng pamalong bakal na ’yon?” Hindi ako sumagot, kaya ang pulis na may pamalo ay buong lakas na itinaas ang pamalo at malupit na hinampas ang baywang at mga binti ko nang ilang beses, dahilan kaya napasigaw ako sa sakit. Natakot sila na baka magulat ang iba sa sigaw ko, kaya pinilit nila akong hubarin ang mga medyas ko at ipinasok ang mga ’yon sa bibig ko, at pagkatapos itinuloy nila ang paghampas sa pigi ko gamit ang pamalong bakal. Nang wala sa loob kong sinubukang umiwas, biglang lumapit ang tatlong pulis, ang isa ay hinawakan ang ulo ko, ang isa ay hinawakan ang likod ko, at ang isa ay hinawakan ang mga binti ko habang patuloy nila akong hinahampas. Nakadama ako ng napakatinding sakit sa bawat hampas. Matapos ang pito hanggang walo pang hampas, sinuportahan nila akong tumayo at tinanong akong muli, “Sino ang lider mo? Nasaan ang donasyong pera?” Hindi ako sumagot, kaya isinubsob nila ako sa kama at nagpatuloy akong binugbog. Hindi nagtagal, naramdaman kong namamaga nang husto ang isang bahagi ng pigi ko. Paulit-ulit nila akong kinuwestiyon nang ganito, at maya-maya pa, hindi ko na kinaya. Naisip ko, “Gaano katagal pa magtatagal ang pagpapahirap at pananakit na ito? Pahihirapan ba talaga nila ako hanggang mamatay ako?” Hinang-hina ako, kaya paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, “Diyos ko! Nangangamba akong hindi ko matatagalan ang pagpapahirap na ito mula sa mga pulis. Bigyan Mo sana ako ng kompiyansa at lakas, at gabayan ako para makapanindigan ako sa patotoo ko.” Matapos kong magdasal, naalala ko ang isang linya mula sa salita ng Diyos, “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Naunawaan kong nanghina ako dahil takot ako sa kamatayan. Nalaman ni Satanas ang kahinaan ko at ginagamit ang pagpapahirap para pilitin akong pagtaksilan ang Diyos. Hindi ko siya puwedeng pahintulutang lansihin ako. Mabuhay man ako o mamatay sa araw na ’yon, kailangan kong sumunod sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kahit na ikamatay ko ito, hindi ko pagtataksilan ang Diyos o ang aking mga kapatid. Nang makapagdesisyon na akong isugal ang buhay ko, hindi na ganoon kasakit. Napagtanto ng mga pulis na hindi nila makukuha ang mga resultang gusto nila mula sa akin, kaya ipinasok nila ang isang nakababatang sister, hinawakan nila ako sa kama at binugbog ako habang pinipilit siyang manood, at pagkatapos inilabas nila ako sa silid. Mula sa labas, naririnig ko ang mga sigaw ng sister, at nagsimulang tumulo ang mga luha ko. Nadama ko ang pag-usbong ng labis na galit. Ang mga pulis na ito ay sukdulang masasama. Una ay pinahirapan nila ako, at ngayon ganoon din ang ginagawa nila sa aking kapatid. Sa puso ko, tahimik akong nagdasal para sa kanya para hilingin sa Diyos na gabayan siya upang malampasan niya ang pagpapahirap ng mga pulis at makapanindigan siya sa kanyang patotoo.

Sa puntong ’yon, dinalhan ako ng isa sa mga pulis ng tinapay at inumin na binili nila, pagkatapos sinabi niya sa mapagpalubag na tono, “Sa tingin ko matindi ang nararamdaman mong sakit. Bakit mo ’to ginagawa sa sarili mo? Sabihin mo sa amin ang nalalaman mo, at hindi mo na kailangang magdusa. Alam kong kayong mga mananampalataya sa Diyos ay wala talagang ginagawang anumang masama, pero ito lang talaga ang nangyayari sa China. Kung sinasabi ng Partido Komunista na hindi kayo puwedeng manampalataya sa Diyos, hindi puwede.” Hindi ko siya pinansin at inisip ko sa sarili ko, “Anuman ang sabihin mo, hindi ko tatraydurin ang mga kapatid ko o pagtataksilan ang Diyos.” Maya-maya pa’y inilabas ang sister. Nakita kong magulo ang buhok niya at nahihirapan siyang maglakad, malinaw na mga palatandaan na pinahirapan siya at binugbog ng mga pulis, at nadurog ang puso ko at nagalit ako. Pagkatapos tinawag nila uli ang pangalan ko, at nakadama ako ng bara sa lalamunan ko. Hindi ko alam kung anong pagpapahirap ang plano nila para sa akin sa pagkakataong ito. Malubha ang pinsalang natamo ko kani-kanina lang, at masakit kapag gumagalaw ako. Kailan ba matatapos ang pagdurusa ko? Pagpasok ko sa interrogation room, kinuha ng isang pulis ang pamalong bakal at hahampasin na sana ako, pero sinabi ng pulis na nagbigay sa akin ng tubig at tinapay na may gusto raw siyang sabihin sa akin nang kaming dalawa lang. Inilabas niya ako sa silid at sinabi sa akin, “Nauunawaan mo na ngayon ang sitwasyon dito. Kung hindi ka pa rin magsasalita, kakailanganin ka nilang bugbugin uli. Gusto mo ba talagang magpatuloy ang pambubugbog nila?” Sa oras na ’yon, ang dating sa akin ay sinasabi niya ’yon para sa sarili kong kabutihan. Naisip ko, “Siguro dapat sabihin ko na lang sa kanila ang isang bagay na hindi importante. Basta’t malusutan ko lang ito, hindi na ako mabubugbog ulit.” Sa sandaling ’yon, naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Pinaalalahanan ako ng salita ng Diyos, at napagtanto kong nagkukunwari lang na nag-aalala sa akin ang pulis na ito. Hindi talaga niya ako sinusubukang tulungan. Gusto niya akong linlangin para traydurin ko ang aking mga kapatid at pagtaksilan ang Diyos. Naalala ko na kanina, siya ang pumukpok sa akin ng cellphone niya, at pagkatapos, nang hinahampas ako ng pamalong bakal ng isa pang pulis, tumulong din siyang hawakan ako. Pero ngayon, para palubagin ako, binilhan niya ako ng makakain at nagsabi ng ilang bagay na mabait pakinggan. Napakamapanira nito, at muntik na akong maloko. Nang makita niyang hindi ako nagsasalita, tinanong niya ako, “Sulit ba talaga ang pambubugbog na matatamo mo dahil sa katahimikan mo?” Matatag kong sinabing, “Oo! Hindi ko tatraydurin ang aking mga kapatid o pagtataksilan ang Diyos kailanman.” Nang makita niya ang determinasyon ko, malupit niyang sinabi, “Mukhang hindi gagana sa ’yo ang madaling paraan!” Pagpasok namin sa silid, nagpatuloy sa pagtatanong sa akin ang mga pulis tungkol sa iglesia at kung sino ang mga lider, pero wala pa rin akong sinabing kahit ano. Isa sa mga pulis ang uminit ang ulo, kinuha ang pamalong bakal at galit na hinampas ang may pinsala kong pigi nang ilang beses. Bawat hampas ay parang pagbuhos ng asin sa isang sariwang sugat, at hindi ko maiwasang humiyaw. Isa pang pulis ang binantaan ako, “Maya-maya hahanap kami ng ilang live wire at kukuryentihin ka namin, makikita natin kung magsasalita ka!” Habang nagsasalita siya, bigla niyang hinablot ang kuwelyo ko at itinulak ako sa isang sulok, kung saan malakas niyang sinampal ang mukha ko at hindi tumigil hanggang pagod at pawisan na siya. Nakadama ako ng matindi at makirot na sakit sa mukha ko, at nahihilo ako at naduduwal na gusto kong magsuka. Pagkatapos, nagdala siya ng isang metal helmet at inilagay ’yon sa ulo ko at ginamit ang pamalong bakal para bayolenteng hampasin ang helmet. Habang patuloy siya sa paghampas sa helmet, kinutya niya ako, sinasabing, “Masarap ba ’yan sa pakiramdam? Sisiguruhin kong ang tunog sa mga tainga mo ang tanging maririnig mo buong buhay mo!” Hindi tumitigil ang pag-ugong sa mga tainga ko, sobrang sakit. Makalipas ang ilang minuto, nahilo ako at hindi makahinga. Pagkatapos pabaligtad nilang inilagay ang helmet sa ulo ko. Wala akong makita, pero narinig ko silang tumalon at sinipa ang helmet, at malakas akong humandusay sa sahig. Iniangat nila ako at sinipa uli ang helmet, at muli akong humandusay sa sahig. Bawat sipa ay mas malakas kaysa sa huli, at sa tuwing humahandusay ako sa sahig, nanunuot sa akin ang sakit mula sa sugatan kong pigi. Sinipa nila ako hanggang mapagod sila. Pagkalipas ng isang sandali, pinag-horse stance nila ako habang suot ang helmet. Umiikot ang paligid, at nahihilo ako. Halos hindi ako makatayo. Inutusan nila akong iunat nang tuwid ang mga braso ko at inilagay nila ang dalawang baso ng tubig sa mga braso ko. Napakasakit ng mga binti at braso ko, at patuloy na nanginginig ang mga binti ko, kung kaya hindi ko talaga masuportahan ang mga ’yon. Sa tuwing nakikita nilang nawawala ako sa postura, sinisipa nila ang mga binti ko. Pagkatapos no’n, ilang pulis ang hinawakan ako sa sofa, ang isa pa ay kinuha ang pamalong bakal at hinampas ang ibabang parte ng likod ko at ang pigi ko. Isa pa sa mga pulis ang nagsabing, “Basta hampasin niyo siya nang malakas sa iisang parte ng katawan niya. Hindi magtatagal hindi na niya kakayanin ang sakit, at bibigay siya.” Sa tuwing hinahampas niya ako, nararamdaman ko ang matinding sakit, at hindi ko mapigilang humiyaw, kaya pinasakan nila ng basahan ang bibig ko. Nahaharap sa walang katapusang pagpapahirap ng mga pulis, nakaramdam ako ng takot at kawalan ng magagawa, at hindi ko mapigilang tumawag sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko! Nangangamba akong hindi ko ito kakayanin. Pakiusap bigyan Mo ako ng pananampalataya, at gabayan ako para maranasan ko ang kapaligirang ito.” Matapos kong magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos, “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting kaisipan, iyon ay dahil nalinlang sila ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay naunawaan ko na dahil sa takot ko sa sakit at pagdurusa, wala akong ibang gusto kundi ang takasan ang kapaligirang ito, at nalinlang ako ni Satanas. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, at kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawang anuman sa akin si Satanas, at pagkatapos ay hindi na ako natakot.

Pagkatapos ng hapunan, dinala nila ako sa opisina ng deputy chief ng istasyon ng pulisya. Ngumiti ang deputy chief at sinabi sa akin, “Si Xiao Zhao na naaresto kasama mo ay nagtapat na, pauuwiin na namin siya ngayon mismo. Kung magtatapat ka, agad akong magpapahanda ng hapunan para sa ’yo, at pagkatapos bibilhan kita ng tiket ng tren at pauuwiin kita kasama niya. Ano sa tingin mo? Bibigyan kita ng ilang minuto para pag-isipan ’to. Kung wala kang sasabihing kahit ano, kailangan mong bumalik sa kung saan ka galing, at hindi ko makokontrol kung paano ka nila bubugbugin at pahihirapan.” Naisip ko, “Kung hindi ko sasagutin ang mga tanong nila, patuloy nila akong pahihirapan, at maaari pa rin nila akong sentensiyahan …” Habang lalo akong nag-iisip, mas naghihinagpis ako. Alam kong malayo ako sa Diyos, kaya paulit-ulit kong tinawag ang Diyos sa aking puso, “Diyos ko, natatakot akong masentensiyahang makulong, kaya pakiusap bigyan Mo ako ng kaloobang magdusa at gabayan akong mapagtagumpayan ang kahinaan ng laman.” Matapos kong magdasal, naisip ko ang isang himno ng salita ng Diyos, “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(“Ang Pinakamakabuluhang Buhay” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Pinagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos naunawaan ko na naaresto at napahirapan ako dahil sa pananampalataya sa Diyos, at baka nga makulong pa ako, at ito ay pagdurusa ng pag-uusig alang-alang sa pagiging matuwid. Ang pagdurusa ko ay makabuluhan, at magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos. Hindi ko puwedeng pagtaksilan ang Diyos dahil lang nagdurusa ang aking laman. Mas gugustuhin ko pang makulong kaysa traydurin ang mga kapatid ko. Simula noon, gaano man niya ako subukang linlangin, wala akong sinabing kahit ano. Umiling siya sa pagkabigo. Isa pang pulis ang kumuha ng pamalong bakal at sinimulan akong hampasin uli sa baywang at pigi. Ang sakit mula sa bawat hampas ay kumakalat sa buo kong katawan, at halos hindi ko na iyon matiis. Nagsimula akong mas lalong kamuhian ang demonyo na Partido Komunista, at paano man niya ako bugbugin, pinagngalit ko ang aking mga ngipin at nagpasyang tatayo akong patotoo para sa Diyos. Gabing-gabi na noon, at nang makita ng deputy chief ng istasyon na wala silang makukuhang anumang impormasyon mula sa akin, umalis na siya. Kalaunan, ang pulis na binilhan ako ng tinapay ay sinabing, “Hindi ka pa rin nagsasalita? Hindi ako matutulog ngayong gabi kung gayon. Gagawin kitang talagang miserable. Ipinapangako kong sapilitan kong bubuksan ’yang bibig mo!” Nagdala siya ng ruler na tatlumpu hanggang apatnapung sentimetro ang haba, hinawakan ang isa kong kamay, at pagkatapos ay malupit na hinampas ang palad ko gamit ang ruler. Sa bawat hampas, nakaramdam ako ng mahapding sakit sa palad ko, at aligaga akong umatras para maiwasan ang mga hampas, pero mahigpit ang hawak niya, at nagpatuloy siya sa paghampas sa mga palad ko hanggang namamaga na ang parehong kamay ko. Pagkatapos, kinuha niya ang pamalong bakal at hinampas na naman ang pigi ko. Sa tuwing tumatama sa akin ang pamalo, nanunuot sa akin ang kakila-kilabot na sakit. Sobrang sakit na pinagpapawisan ako, at hindi ko mapigilang mapahiyaw. Galit niyang sinabi, “Marami na kaming sinubukan sa’yo, ayaw mo pa ring magsalita. Ano ba talaga ang makapagpapataksil sa’yo sa Diyos? Sabihin mo, kamatayan ba? O higit pang sakit?”

Nang makita niyang wala pa rin akong sinasabi, galit na galit niyang sinabi sa akin, “Marami pa akong bagay na susubukan sa’yo. Tingnan natin kung sino sa atin ang makakatagal!” Pagkatapos no’n, nagsuot siya ng makapal na jacket, inilagay sa pinakamalamig na setting ang aircon, inutusan akong mag-horse stance sa harap ng aircon, at paminsan-minsang binubuhusan ng tubig ang ulo at katawan ko. Basang-basa ako at nanginginig sa lamig. Ibinaba ko ang mga kamay ko at kinuskos ang mga braso ko, umaasang mainitan, at nang makita niya ’yon, hinampas niya ang mga braso ko ng pamalong bakal at inutusan akong panatilihing nakaunat ang mga iyon. Maya-maya pa, sinabi niya sa akin na paghiwalayin ko ang mga binti ko hanggang sa pinakamalayong puwede, at inutusan akong hubarin ang damit at pantalon ko, panloob lang ang maiiwan at tumayo sa tubig nang nakayapak. Nang tumanggi akong hubarin ang mga ’yon, matalim niyang sinabi, “Hubarin mo! Huwag mong hayaang ako pa ang gumawa para sa’yo!” Wala akong pagpipilian. Hiyang-hiya talaga ako, napaiyak ako sa insulto nito. Pagkatapos, inilagay niya sa pinakamalamig ang temperatura sa water dispenser at walang-tigil akong binuhusan ng tubig. Tuloy-tuloy na nanginginig ang buong katawan ko mula sa lamig, at nagsimulang sumakit ang mga tuhod ko. Habang binubuhusan niya ako ng tubig, sinabi niya, “Komportable ba? Gusto kong ‘masiyahan’ ka ngayong gabi!” Makalipas ang ilang oras, hirap na akong huminga, hindi komportable ang puso ko, at ang buong katawan ko ay kulay ube na sa lamig. Nahaharap sa hindi makataong pagpapahirap na ito, hinang-hina ang pakiramdam ko. Sa edad lang na bente, mamamatay na ba ako? Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso, “Diyos ko! Hindi ko talaga kaya ang pagpapahirap ng mga pulis, at hinang-hina ang pakiramdam ko. Pakiusap gabayan Mo akong maunawaan ang kalooban Mo.” Matapos kong magdasal, naisip ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at matagal isakatuparan ang marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng paghihirap na ito ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Kinamumuhian at nilalabanan ng malaking pulang dragon ang Diyos higit sa anupaman, at ipinanganak ako sa bansa ng malaking pulang dragon. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay tiyak na magdurusa ng pag-uusig at kalupitan ng Partido Komunista, pero ginagamit ng Diyos ang pag-uusig at paghihirap na ito para gawing perpekto ang ating pananampalataya. Naisip ko tuloy kung paanong noon, bago ako arestuhin at usigin, lubos ang kumpiyansa ko sa aking pananampalataya at handa akong tumalikod at gumugol para sa Diyos, pero alam ko na ngayon na hindi iyon totoong pananampalataya, isa lang iyong pansamantalang paninindigan. Hindi iyon matatawag na patotoo, at hindi ito makakakumbinsi kay Satanas. Ngayon, nang dumating ang pag-uusig, pagdurusa, at pagpapahirap, kung makatatayo akong patotoo at hindi susuko kay Satanas, ito lang ang totoong pananampalataya. Naisip ko kung paanong, sa maraming artikulo ng patotoo na nabasa ko noon, maraming kapatid ang naaresto, at ang pagpapahirap na tiniis nila ay mas malala pa kaysa sa akin, pero hindi sila sumuko kay Satanas. Sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-asa sa Diyos, at totoong pananampalataya sa Diyos, nakagawa sila ng matunog na patotoo, kaya ngayon kailangan kong umasa sa Diyos, at tumayong patotoo para sa Kanya. Sa sandaling napagtanto ko ’yon, nakahanap ako ng lakas.

Pagkatanghali, dinala ako sa kulungan. Doon, binantaan ako ng mga pulis, “Maya-maya, dadalhin ka namin sa ospital para sa isang check-up, at hindi mo puwedeng sabihin sa kanila na kami ang sanhi ng mga pinsala sa katawan mo. Sabihin mo lang na iginiit mong pumunta sa siyudad, hindi pumayag ang mga magulang mo, at sila ang bumugbog sa’yo. Kung mangangahas kang sabihin ang totoo, may mas malala pa akong nakahanda para sa’yo!” Galit na galit ako matapos marinig ang sinabi niya. Ang mga pulis na ’to ay walang kahihiyan na sinabihan pa nila akong magsinungaling! Noong pisikal na pagsusuri na, sinabi ng doktor na napakabagal ng tibok ng puso ko. Nakita rin niya na mapula at namamaga ang mga palad at mukha ko, na sobrang maga, kulay ube at itim ang pigi ko, at na may mga pasa sa buong hita ko. Gulat niya akong tinanong, “Paano mo nakuha ang mga pinsalang ito?” Sumulyap ako sa pulis na nasa tabi ko, at walang magawa ko na lang na sinabing, “Hindi ako nag-ingat at nahulog ako.” Nang bumalik ako sa kulungan, malubha ang pinsala ng pigi at mga hita ko. Hindi ko tinatangkang humiga sa gabi para matulog, at kapag umuupo ako, kailangan kong suportahan ang sarili ko gamit ang mga kamay ko habang ibinababa ko ang sarili ko. Kapag naliligo ako, kung aksidente kong mahawakan ang may pinsalang bahagi, namamanhid sa sakit ang buong katawan ko. Sinabi sa akin ng isang doktor na nakakulong sa selda ko, “Masyadong malupit ang mga pulis na ’to. Aabot ng mahigit isang buwan para gumaling ang mga pinsala mo.” Hindi inaasahan, matapos lang ang higit sa sampung araw, hindi na masyadong masakit ang mga pinsala ko, at hindi ko napigilang magpasalamat sa Diyos para dito.

Sa aking humigit-kumulang dalawang buwan sa kulungan, mga sampung beses akong nilitis ng mga pulis, at nang makita nilang wala pa rin akong sasabihing kahit ano, tinangka nila akong pilitin na pirmahan ang “tatlong liham,” ang mga ito ay isang liham ng garantiya na hindi ako mananampalataya sa Diyos, isang liham ng pagsisisi, at isang liham ng paglayo. Tumanggi akong pumirma, kaya binantaan nila ako, sinasabing, “Kung hindi ka pipirma, sesentensiyahan ka ng mga taon sa kulungan. Huwag mo nang isipin pang makalalabas ka.” Naisip ko ang mahaba at walang katapusang panahon na kailangan kong gugulin sa kulungan, ang buhay na walang kahit isang taong mapagsasabihan ng lihim, ang mabigat na trabaho na kailangan kong gawin araw-araw, ang mga pambubugbog, pang-aabuso, at pang-aapi na kailangan kong tiisin mula sa mga guwardiya at kasamang bilanggo … Paano ko kakayanin ang ganoong buhay? Habang lalo ko itong iniisip, mas natatakot ako, at hindi ko mapigilang magdasal sa Diyos, “Diyos ko! Ang isipin ang madilim na buhay na iyon sa kulungan ay matinding pagpapahirap, kaya nagmamakaawa ako na gabayan Mo ako para magkaroon ako ng pananampalataya para maranasan ang kapaligarang naghihintay sa akin.” Matapos kong magdasal, naalala ko ang mga salita ng Diyos, “Sa yugtong ito ng gawain ay hinihingi sa atin ang lubusang pananampalataya at pag-ibig. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nakaraan: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananampalataya ng sangkatauhan, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananampalataya, pag-ibig, at buhay ang mga salita(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 8). Pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay naunawaan ko. Nauunawaan ko man o hindi ang kalooban ng Diyos sa panahon ng aking pagsubok, kailangan kong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Naisip ko kung paanong, simula nang maaresto ako, kahit na natiis ko ang ilang pagpapahirap sa mga kamay ng mga pulis, sa totoo ay nakita ko ang proteksyon ng Diyos sa akin. Hindi ko malalampasan ang malupit na pagpapahirap ng mga pulis nang ako lang. Nagawa ko dahil sa bawat hakbang, mayroon akong tahimik na patnubay at proteksiyon ng Diyos. Naunawaan ko rin na ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito para gawing perpekto ang aking pananampalataya, at na kahit na masentensiyahan ako at makulong, maglalaman din iyon ng kalooban ng Diyos. Kailangan ko itong sundin, umasa sa Diyos para maranasan ito, at magtiwala na gagabayan ako ng Diyos. Kaya, matatag kong sinabi sa kanya, “Hindi ako pipirma!” Bumuntong hininga siya, walang magawa, at itinuro ako, sinasabing, “Wala na talagang pag-asa para sa’yo.” Pagkatapos umalis siya, mukhang bigo.

Isang umaga ng Setyembre, dinala ng mga pulis ang tiyahin at tiyuhin ko. Nang makita nila akong nakaposas sa isang bakal na upuan, umiiyak na sinabi ng tiyahin ko, “Hangal na bata ka, paano mo natagalan ang maraming araw rito? Hinanap ka namin kung saan-saan. Sa sobrang pagkabalisa ng tiyuhin mo, namamaga na ang mga mata niya, at halos hindi na siya makakita ngayon. Pirmahan mo na lang ang panunumpa na titigil ka nang manampalataya sa Diyos, at iuuwi na kita. Hindi mo kailangang magdusa rito. Sabi ng pulis, basta’t pirmahan mo ang panunumpa na ’to, makakapagpiyansa ka habang nakabinbin ang paglilitis, at puwede kang makauwi.” Sabi ng pulis na nasa tabi ko, “Tingnan mo kung gaano kaganda ang trato sa’yo ng tiyahin at tiyuhin mo, kung gaano sila nag-aalala sa’yo. Gawin mo ang hinihiling nila, pirmahan mo ang sulat at umuwi ka kasama nila.” Tiningnan ko ang tiyuhin ko, ang maputi niyang buhok, ang hapis na mukha, ang nanlalabo niyang mga mata na namamaga, at ang mga luhang dumadaloy sa kanyang mukha habang nakatingin sa akin. Sa sandaling ’yon, hindi ko napigilan ang pagtulo ng sarili kong mga luha, at miserable ang pakiramdam ko. Napagtanto ko na dahil naaresto ako, labis silang nag-alala sa akin na magdamag silang nagmaneho para pumarito para bisitahin ako. Ang tiyuhin ko ay palagi akong tinratong parang tunay niyang anak, pero ngayon matanda na siya at masama ang kalusugan. Wala pa akong nagawang kahit ano para sa kanya, at pinag-alala siya nang husto sa akin. Lubos akong nagsisi na ginawa ko ito sa kanya. Nakakadurog ng puso na makita ang tiyahin at tiyuhin ko na umiiyak at nasa gayong pighati. Ganap na nasira ang mga depensa sa puso ko. Pakiramdam ko may pagkakautang ako sa kanila. Naisip ko, “Dapat ko ba talagang pirmahan ang liham at umuwi kasama nila?” Nakita ko na walang kalapastanganan sa Diyos sa liham ng panunumpa, kaya hindi naman dapat maging ganoon kaseryoso ang pagpirma rito. Kung pipirmahan ko ito at uuwi kasama nila, maililigtas ko rin sila mula sa anumang karagdagang pag-aalala at pagdurusa. Pero kung pipirmahan ko ito, mangangahulugan ito ng pagtatatwa at pagtataksil sa Diyos … Habang nahihirapan ako sa aking isipan, humikbi ang tiyahin ko at sinabing, “Hangal na bata, pakiusap makinig ka na lang sa akin at pirmahan mo ’to!” Nakita ko ang pag-asa sa umaasam na mga mata ng tiyuhin at tiyahin ko at naisip kong hindi ko puwedeng hayaang mag-alala sila o malungkot muli sa ngalan ko. Sa kadahilanang ’yon, inilagay ko ang pirma ko sa liham ng panunumpa. Sa sandaling pumirma ako, agad na nakaramdam ng kahungkagan ang puso ko, at noon lang ako natauhan: Bakit ko pinirmahan ang liham ng panunumpa? Hindi ba’t pinagtataksilan ko ang Diyos sa paggawa no’n? Hindi na gugustuhin ng Diyos ang isang tulad ko kailanman, kaya hindi ba nangangahulugan ’yon na tapos na ang aking buhay ng pananampalataya sa Diyos? Blangkong-blangko ang isip ko nang oras na ’yon. Hindi ko matandaan kung paano ako bumalik sa selda ko. Sa panahong ’yon, sa tuwing naiisip ko ang pagpirma sa liham ng panunumpa, nakararamdam ako ng matinding panghihinayang at pagsisisi, at hindi ko mapigilang umiyak. Pakiramdam ko nagunaw na ang mundo ko. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos, “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi maaaring labagin. Naisip ko kung paanong naranasan ko ang pagsubok na ito at kung paanong pinirmahan ko ang panunumpa na ititigil ko na ang pananampalataya sa Diyos. Napagtanto kong pagtatatwa at pagtataksil ito sa Diyos sa harap ni Satanas, at ang tanging naiwan sa akin ay isang mantsa na hindi mabubura kailanman. Kinamuhian ko ang sarili ko na wala akong puwang para sa Diyos sa aking puso, at para sa hindi ko paghahanap sa kalooban ng Diyos nang dumating ang pagsubok. Kung nagdasal ako para mas maghanap sa oras na ’yon, hindi sana ako nalinlang ni Satanas. Sa panahong ’yon, namuhay ako sa isang kalagayan ng paninisi sa sarili, at pinagnilayan ko ang aking sarili kung bakit ko pinagtaksilan ang Diyos. Ito ay dahil tinrato ako nang mabuti ng tiyahin at tiyuhin ko. Ayokong pag-alalahin sila, na maramdamang parang may utang ako sa kanila. Namumuhay ako ng isang buhay na ganap na nakakulong sa aking sariling mga emosyon. Sa totoo, ang mga pulis ang nagpapunta roon sa tiyahin at tiyuhin ko. Ginamit nila ang damdamin ko para sa pamilya ko para tuksuhin akong pagtaksilan ang Diyos, at dahil napakatindi ng damdamin ko at kulang ako sa pagkaintindi, nahulog ako sa panlalansi ni Satanas at talagang pinagtaksilan ang Diyos. Napakahangal ko. Habang lalo ko itong iniisip, mas nanghihinayang ako at sinisisi ang sarili ko. Naisip ko, kung magkakaroon ako ng isa pang pagkakataon, hindi ko itatatwa ang Diyos kailanman, at hindi ko pipirmahan ang liham.

Pagkatapos no’n, binigyan ng pinsan ko ang mga pulis ng maraming mamahaling gamot na pampalusog, tulad ng ginseng at sungay ng usa, binigyan pa ang mga pulis ng dalawang libong yuan, at ang tiyuhin ko ay nagbayad ng karagdagang limang libong yuan bilang deposito bago ako pinagpiyansa ng mga pulis sa wakas. Habang nasa proseso ako ng pagpipiyansa, sinabihan ako ng mga pulis na i-unlock ang computer na sinamsam nila. Sinabi nilang kung hindi ko gagawin iyon, makukulong pa rin ako. Pinayuhan din ako ng kapatid ko at ng iba pang miyembro ng pamilya na makipagtulungan ako. Naisip ko, “Nasa computer ang impormasyon ng Iglesia, at kapag natagpuan ’yon ng mga pulis, siguradong mapipinsala no’n ang gawain ng iglesia. Nawalan na ako ng isang pagkakataon na tumayong patotoo, kaya kailangan kong tumangging gawin ang anumang bagay na nagtataksil sa Diyos.” Sinabi ko sa mga pulis na hindi ko alam ang password. Hindi sumuko ang mga pulis. Paulit-ulit nila akong pinilit, pinabubukas muna sa akin ang computer at pagkatapos ay pinasusubukan sa aking alalahanin ang password, pero himalang ayaw bumukas ng computer. Tumawag sa isang technician ang mga pulis para magtanong kung bakit, at ang sabi nito ay maaaring dahil ’yon sa nasira ang hard drive. Walang magawa niyang sinabi, “Pumunta ka sa opisina para bayaran ang pera at tapusin ang proseso ng pagpipiyansa.” Matapos makita ang lahat ng ito, naalala ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos, “Anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Tunay kong naramdaman na ang awtoridad ng Diyos ay nasa lahat ng dako, at na ang lahat ay tunay na nasa mga kamay ng Diyos. Nakita ko na sa totoo, ang Diyos ay nasa tabi ko, binabantayan at ginagabayan ako, at ang puso ko’y napuno ng pasasalamat at papuri para sa Diyos!

Kalaunan, para sa krimen na “pag-oorganisa at paggamit ng mga organisasyong kulto upang mapahina ang pagpapatupad ng batas,” sinentensiyahan ako ng Partido Komunista ng isa’t kalahating taong pagkakakulong nang may isa’t kalahating taong pagpapaliban. Natakot akong ang pakikipag-ugnayan sa aking mga kapatid ay magdadala sa kanila ng panganib, kaya palihim na lang akong nagbabasa ng salita ng Diyos sa bahay. Kahit na nilimitahan ng Partido Komunista ang personal kong kalayaan, hindi nila maaaring limitahan ang pagnanais kong sumunod sa Diyos. Ang hindi malilimutang karanasang ito ay nagpahintulot sa aking makita nang malinaw ang mala-demonyong diwa ng pagkapoot sa katotohanan at paglaban sa Diyos ng Partido Komunista, at nagawa kong ganap na talikdan at tanggihan ito. Nagawa ko ring maramdaman ang awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Napakaraming beses na hindi ko nakayanan ang malupit na pagpapahirap ng laman. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, at paulit-ulit na gumabay sa akin para malampasan ang pagpapahirap. Tunay kong naramdaman na ang Diyos lang ang maaasahan ko. Matapos danasin ang pag-uusig at paghihirap, nakita ko rin na napakababa ng tayog ko. Dahil hindi ko naunawaan ang katotohanan, at hindi ko nakita nang malinaw ang diwa ng aking mga emosyon, sinunod ko ang pamilya ko at pinirmahan ang liham ng panunumpa, pero hindi ako inalis ng Diyos para sa paglabag ko, at sa halip ay binigyan ako ng isa pang pagkakataon para magsisi. Ginamit Niya ang Kanyang mga salita para bigyang-liwanag at gabayan ako, at nadama ko ang Kanyang pag-ibig at awa sa akin, na lalo akong ginawang determinado na hanapin ang katotohanan. Marahil isang araw, maaaresto akong muli ng Partido Komunista, pero handa akong umasa sa Diyos upang matunog na magpatotoo para sa Diyos upang mapalugod Siya!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Dalawampung Araw ng Paghihirap

Ni Ye Lin, TsinaIsang araw noong Disyembre 2002, bandang alas kwatro ng hapon, habang nakatayo ako sa gilid ng isang kalsada at may...

Hindi Mailarawang Sakit

Ni Zhang Lin, Tsina Isang hapon, noong Disyembre 2012, nasa bus ako sa labas ng bayan para tuparin ang aking tungkulin. Nakatulog na ako...