Sa Walang Humpay na Pagpapahirap

Enero 20, 2022

Ni Wu Ming, Tsina

Isang araw ng Disyembre ng taong 2000, bandang alas singko ng hapon, nagtitipon kami ng asawa ko sa bahay kasama ang dalawang kapatid nang bigla kaming nakarinig ng malakas na “bang bang bang” sa may pintuan. Nagmadali akong itago ang mga libro namin. Tapos, anim o pitong pulis ang pumasok sa silid. Sumigaw ang isa sa kanila: “Anong ginagawa ninyo? Nagtitipon ba kayo?” Matapos niya akong sapilitang papirmahin ng isang search warrant, hinalughog nila ang bahay, iniwang magulong-magulo ang lahat ng bagay. Nakita nila ang mga libro ng salita ng Diyos at dalawang tape recorder. Lumapit sa akin ang Deputy Chief na may apelyidong Lyu ng Political Security Section na may dalang ilang libro ng salita ng Diyos at sinabing: “Ang mga ito ang ebidensiya para arestuhin ka.” Tapos, isinakay nila kami sa isang sasakyan. Tahimik akong nagdasal sa Diyos, “O Diyos ko, pinahintulutan Mong mahuli kami ngayon. Paano man ako pahirapan ng mga pulis, hindi ako papayag na maging isang Judas at pagtaksilan Ka!”

Nang makarating kami sa himpilan ng pulisya, magkakahiwalay nila kaming tinanong. Tinanong ako ng isang pulis na Jin ang apelyido: “Sino ang nagbigay sa iyo ng mga librong iyon sa bahay ninyo? Sino ang nagpasampalataya sa iyo? Sino ang lider ninyo?” Hindi ako umimik, kaya malupit niyang sinabing: “Magsasalita ka ba? Kung hindi ka magsasalita, malilintikan ka!” Nang makitang hindi ako magsasalita, ilang beses akong marahas na sinuntok sa ulo ng isang pulis at pagkatapos ay dalawang beses akong sinampal nang malakas. Nahihilo ako at napakasakit ng mukha ko. Tapos ilang beses niyang tinadyakan nang malakas ang hita ko. Hinampas ako sa mukha ni Officer Jin gamit ang isang nakarolyong magazine, at marahas na sinabing: “Huwag tayong magsayang ng oras sa pakikipag-usap sa kanya. Talian siya at ipakita sa kanya kung anong kaya nating gawin!” Tapos, nagdala ang isang pulis ng lubid, halos sangkapat na pulgada ang kapal, at hinubad ang aking panlabas na damit, iniwan akong nakasuot lang ng manipis na long johns. Hinawakan nila ang mga braso ko at itinulak ako sa sahig, ipinaikot ang lubid sa leeg ko, ipinadaan ito sa dibdib ko, tapos itinali nila ang mga braso ko, ginamit ang lubid para itali ang mga kamay ko sa likuran ko, at inilusot ito sa bahagi ng lubid na nakapaikot sa leeg ko, tapos ay malakas itong hinila. Masakit na nahila nang napakalapit sa isa’t isa ang mga balikat ko, at ang manipis na lubid ay bumaon sa balat ko. Parang nabali na ang mga braso ko, at labis ang sakit na nararamdaman ko. Inutusan nila akong paghiwalayin ang mga binti ko nang 90 degrees at ianggulo ang ulo ko payuko habang nakabaluktot din ang baywang ko nang 90 degrees. Hindi nagtagal, nahilo ako at para bang lumuluwa ang mga mata ko. Patuloy na tumutulo ang pawis mula sa mukha ko, nababasa niyon ang sahig. Pagod ako at nasasaktan, nanginginig ang katawan ko, at hindi makatayo ang aking mga binti. Gusto kong pagdikitin ang mga binti ko at magpahinga sandali, pero kapag bahagya akong gumagalaw, sinisipa ako ni Jin sa pigi at inuutusan akong huwag gumalaw. Hindi ko matiis ang sakit. Nagalit ako at napuno ng poot, at naisip ko: “Napakaraming kriminal na hindi ninyo hinahabol. Naniniwala ako sa Diyos at tinatahak ang tamang landas, hindi ako lumalabag sa anumang batas, pero pinahihirapan ninyo ako. Napakasama nito!” Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Nakita ko na sa wakas ang pangit na mukha ng CCP sa kung ano ito. Sinasabi nilang “kalayaan sa relihiyon” at “ang pulisya ng bayan ay para sa mga tao,” pero kasinungalingan ang lahat ng ito! Pinapanatili ng Partido Komunista ang pagkukunwaring kinikilala ang kalayaan sa pananampalataya, pero sa totoo lang, malupit sila sa mga mananampalataya, at gugustuhing lipulin tayong lahat. Ang Partido Komunista ay ang diyablong si Satanas na nilalabanan at kinamumuhian ang Diyos. Naisip ko sa sarili ko, “Habang lalo nila akong pinapahirapan, mas magkakaroon ako ng higit na pananampalataya hanggang sa pinakahuli!”

Makalipas ang mga kalahating oras, nanghihina ang buong katawan ko at namamaga ang ulo at mga mata ko. Manhid na manhid ang mga binti ko at nawalan na ako ng pakiramdam sa mga braso at kamay ko. Basang-basa ang damit ko. Noon ko narinig na sinabi ni Jin: “Hindi puwedeng gamitin ang lubid nang higit sa kalahating oras, kung hindi ay mababaldado ang mga braso.” Pagkatapos niya iyong sabihin, kinalag nila ang lubid. Sa sandaling kinalag nila ito, bumagsak ako sa sahig, kumikirot ang buong katawan ko. Tapos, dalawang pulis ang humawak sa mga kamay ko sa magkabilang gilid at pinaikot-ikot ang mga braso ko na parang nagpapaikot sila ng isang malaking lubid. Napakatindi ng sakit ng mga kamay ko pagkatapos nilang ipaikot-ikot ang mga iyon nang ilang beses. Tinanong ako ulit ni Jin: “Saan mo nakuha ang mga librong iyon? Sino ang lider ninyo? Sino ang nagpasampalataya sa iyo? Sabihin mo sa akin ngayon!” Tapos, sinabi ni Lyu nang may mapagkunwaring kabaitan: “Sabihin mo na lang sa amin, hindi ito malaking bagay. Kung sasabihin mo sa amin, hindi mo na kailangang magdusa pa.” Naisip ko: “Para namang tatraydurin ko ang mga kapatid ko!” Lubhang nayayamot na hindi ako nagsasalita, sinabi ni Jin: “Ibalik siya sa lubid at tingnan natin kung hanggang kailan siya makatatagal!” Itinali nila ako ulit. Sa pagkakataong ito, mas mahigpit nila akong itinali kaysa dati. Bumabaon ang lubid sa kaparehong mga lugar at mas masakit ito kaysa noong unang pagkakataon. Sa puso ko ay patuloy akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananampalataya at tulungan akong mapagtagumpayan ang sakit ng laman. Pagkalipas ng kalahating oras, nakita nilang hindi ko sila sasagutin at niluwagan nila ang lubid.

Bandang 12:30 ng gabi, dinala ako ng mga pulis sa isang detention house. Sa detention house, kumakain lang ako ng dalawang beses sa isang araw, na sa bawat pagkain ay mayroon lang isang siopao at napakakaunting gulay. Ang mga siopao ay puno ng dinurog na puso ng mais, kalahati ng mga gulay ay bulok, at ang ilalim ng mangkok ay pawang putik. Araw-araw mula alas sais ng umaga hanggang alas otso ng gabi, kailangan kong maupo nang naka-cross legged, maliban sa oras ng pagkain at sa kalahating oras sa umaga na puwede akong lumabas. Kung gumalaw ako kahit kaunti habang nakaupo ako, may hahampas sa akin. May malalim na hiwa sa mga balikat ko mula sa pagpapahirap gamit ang lubid doon sa himpilan ng pulisya. Tumagos sa damit ko ang dilaw na likido na lumalabas mula rito, at nagsimula na ring dumugo at mamaga ang mga pulsuhan ko hanggang kulay pula na may lila na ang mga ito. Sobrang sakit ng lahat ng kasukasuan sa katawan ko, at kahit ang pagtayo para pumunta sa banyo ay talagang mahirap. Pakiramdam ko hindi angkop para sa mga tao ang lugar na ito at hindi ko alam kung kailan matatapos sa wakas ang madidilim na araw na iyon sa bilangguan. Pinahirapan talaga ako ng mga saloobing ito. Sa gitna ng aking pasakit, paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako, upang maunawaan ko ang Kanyang kalooban, maging matatag, at manindigan sa aking patotoo. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Ang pag-iisip sa mga salita ng Diyos ay nakapagpapalakas ng loob para sa akin. Nasa ganoong sitwasyon ako nang may pahintulot ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang mahirap na sitwasyong iyon upang gawing perpekto ang aking pananampalataya at pagmamahal. Umaasa Siya na makapanindigan ako sa aking patotoo at mapahiya si Satanas. Pero kung gusto kong tumakas matapos lang ang pagdurusa nang kaunti, anong magiging klaseng patotoo iyon? Kahit na nagdusa ako sa pagpapahirap ng mga pulis, tinulungan ako nito na malinaw na makita ang mala-demonyong diwa ng Partido Komunista sa paglaban nito sa Diyos para maaari ko itong kamuhian at talikdan mula sa kaibuturan ng puso ko, at hindi na malinlang nito. Ito ay pagliligtas ng Diyos sa akin. Hindi na ako kasingmiserable nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos. Nangako ako sa sarili ko: “Gaano man ako magdusa, magpapatuloy akong sumandal sa Diyos at manindigan sa aking patotoo sa Kanya.”

Isang araw, may isang mula sa Political Security Section ang dumating para tanungin ako at medyo kinabahan ako. Hindi ko alam kung anong klaseng pagpapahirap ang gagamitin nila sa akin. Tahimik akong nagdasal sa Diyos at hiniling sa Kanya na protektahan ang puso ko. Sa interrogation room, mapagkunwaring sinabi ni Deputy Chief Lyu: “Magtapat ka na lang, sa sandaling sabihin mo sa amin, makakauwi ka na. Nagpunta kami sa bahay mo. Napakabata pa ng mga anak mo—nakakalungkot na walang nag-aalaga sa kanila. Sabihin mo na lang sa amin.” Ang marinig siyang banggitin ang mga anak ko ay mahirap tiisin. Naisip ko: “Kami ng asawa ko ay kapwa naaresto ng Partido Komunista, at ngayon kahit ang mga anak namin ay nadadamay. Paano nila kakayanin nang walang nag-aalaga sa kanila sa ganoon kabatang edad?” Noon ko naisip ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Napagtanto ko na ito ay panlalansi ni Satanas. Ginagamit ng mga pulis ang emosyon ko para hikayatin akong pagtaksilan ang Diyos. Hindi ako puwedeng maniwala rito. Tapos naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Pinaghaharian ng Diyos ang lahat, at ang mga anak ko ay nasa mga kamay Niya. Handa akong ipagkatiwala ang mga anak ko sa Diyos, at anumang panlalansi ang gamitin ng mga pulis laban sa akin, maninindigan ako at hindi kailanman magiging isang Hudas! Patuloy akong tinatanong ni Lyu tungkol sa iglesia at nang hindi ako sumagot, sinuntok at sinipa ako ni Jin, sumisigaw habang sinasaktan niya ako: “Kapag hindi ka nagsalita bubugbugin kita hanggang mamatay ka!” Hilong-hilo ako sa pambubugbog. Sinaktan ako ni Jin nang ilang beses hanggang siya ay hingal na hingal na, tapos mabagsik niyang sinabing: “Tingin mo magiging ayos ka lang kung hindi ka magsasalita? Makukulong ka pa rin! May mga paraan kami para pakitunguhan ka.” Habang nagsasalita siya, sapilitan niyang hinubad ang aking coat, mga sapatos at medyas. Inirolyo niya pataas ang pantalon ko para malantad ang mga binti ko, tapos kinaladkad ako papunta sa isang malaking truck sa labas ng interrogation room, tapos ipinosas ang mga kamay ko sa hawakan ng pinto. Napakataas ng pinto, lampas sa ulo ko ang mga kamay ko nang iposas sa hawakan. May higit sa isang talampakan ng niyebe sa lupa. Inalis ni Jin ang nasa mga sampung square feet ng niyebe sa paligid ng kinatatayuan ko, inilalantad ang mabuhanging lupa na may manipis na patong ng yelo. Pinatayo niya ako sa yelo nang nakayapak, at malupit na sinabing: “Kung hindi ka magsasalita, magyeyelo ka hanggang halos mamatay ka na. Magiging lumpo ka na sa buong buhay mo!” Tapos pumasok na siya sa loob.

Napakalamig ng taglamig na iyon. Nasa bandang negative 5 degrees Fahrenheit sa labas. Ginaw na ginaw ako mula nang sandaling ipinosas ako at partikular na nakalantad sa umiihip na hangin ang kinatatayuan ko. Dahan-dahang nawalan ako ng pakiramdam sa katawan ko. Patuloy akong nagdasal sa Diyos sa puso ko: “Diyos ko, ganap kong ipinagkakatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay. Bigyan Mo po sana ako ng pananampalataya, lakas at pagnanais na malampasan ang pagdurusang ito.” Matapos kong magdasal, tahimik akong kumanta ng isang himno ng mga salita ng Diyos “Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan”:

1 Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. …

2 Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Lumakas ang loob ko. Hindi ako puwedeng sumuko kay Satanas. Kahit na magyelo ako hanggang mamatay sa araw na iyon, maninindigan ako sa patotoo ko sa Diyos! Makalipas ang mga kalahating oras, dumaan ang isang guwardiya ng detention house at nakita akong nakaposas sa pinto ng truck. Habang naglalakad siya papunta sa interrogation room, malakas siyang sumigaw: “Hindi kayo puwedeng mag-interoga sa mga tao nang ganito. Hindi kami puwedeng tumanggap ng sinumang mamamatay na sa lamig!” Mayamaya lang pagkatapos pumasok ng guwardiya, lumabas sina Jin at ang iba pa at kinaladkad ako pabalik sa loob. Sa puntong ito, nawalan na ng pakiramdam ang mga kamay at paa ko, namamanhid sa lamig ang bibig ko, at kumakabog ang puso ko. Naupo ako sa sahig nang mahigit isang oras bago ako nagsimulang dahan-dahang uminit ulit. Nakita ni Lyu na nasasaktan ako at may kagalakang sinabi: “Mas masahol ka pa sa mga magnanakaw—kahit papaano may kasanayan sila. Kayo ng mga kasamahan mo ay dumaranas ng labis na sakit para lang maniwala sa Diyos, hindi talaga ito sulit. Masesentensiyahan ka pa rin kahit hindi ka magsalita.” Talagang nagalit ako nang marinig iyon. Binabaligtad ng mga pulis na ito ang katotohanan. Iniisip nilang isang kasanayan ang krimen ng pagnanakaw pero tinatrato kaming mga mananampalataya na tinatahak ang tamang landas na parang mga kriminal, na parang mga mortal na kaaway na dapat pahirapan sa paraang di-makatao! Habang nakatingin sa kanilang napakasasamang mukha, isinumpa ko sila sa aking puso. Sa wakas, nakita nilang hindi ako magsasalita, kaya ibinalik nila ako sa selda.

Nang gabing iyon, makati at masakit ang mga paa ko, at nagsimulang magkaroon ng paltos ang mga ito. Puno ng madugong paltos ang mga paa ko kinaumagahan, na para bang nalapnos ako ng kumukulong tubig. Isa-isang lumitaw ang mga ito, na ang malalaki ay kasinglaki ng pula ng itlog at ang maliliit ay kasinglaki ng mga dulo ng daliri. Hindi talaga ako makapaglakad, at gusto kong kamutin ang mga ito, pero hindi ako nangahas. Nang pumutok ang mga madugong paltos, dumikit lang ang mga ito sa medyas ko. Ganap na manhid at makati ang mga binti ko. Nagkaroon ako ng lagnat at talagang namula ang mukha ko. Sa ikatlong araw, naimpeksiyon na ang mga paa ko at namaga nang husto na ni hindi kasya ang mga ito sa pinakamalaking tsinelas. Namaga ang mga binti ko na doble sa normal na laki ng mga ito, at ang mga bukong-bukong ko ay puno ng pasa. Sa takot na mapanagot, pinapunta ako ng mga guwardiya sa ospital. Sinabi ng doktor na naimpeksyon at nagnanana ang aking kanang bukong-bukong, at kailangan akong operahan. Sa operating room, narinig kong sinabi ng doktor sa ibang staff doon: “Nagkaroon kami ng isa pang preso na tulad nito dalawang araw na ang nakararaan. Ganito rin naimpeksyon ang binti niya, tapos namatay siya sa osteomyelitis.” Natakot ako nang marinig na sabihin iyon ng doktor. Naimpeksyon ang mga paa ko at ni hindi ako makalakad. Magkakaroon din ba ako ng osteomyelitis? Kung magkaroon ako, hahantong akong patay o baldado. Tapos anong gagawin ko? Napakabata ko pa at umaasa sa akin ang buong pamilya ko. Habang lalo akong nag-iisip, lalo akong nagdurusa, tapos naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Paano Magawang Perpekto”: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Kapag nahaharap sa pagdurusa, nais ng Diyos na magkaroon ako ng pananampalataya at magtiyaga para makapanindigan ako sa aking patotoo. Sa pag-iisip tungkol sa nakaraang ilang beses na pinahirapan ako, akala ko malaki ang pananampalataya ko. Nang makita ko na lubos akong napinsala ng lamig, nagsimula akong mag-alala tungkol sa aking buhay at kinabukasan. Natatakot akong mamatay, at mabaldado ang aking mga binti. Tunay na mababa ang tayog ko. Hindi talaga ako nagpakita ng tunay na pananampalataya o pagpapasakop sa Diyos. Sa pag-iisip tungkol sa mga bagay na ito, nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos! Ayoko nang isipin ang sarili ko. Susundin ko ang Iyong mga pangangasiwa at pagsasaayos, at kahit na mamatay ako, maninindigan ako at bibigyang-kasiyahan Ka.” Habang nasa ospital, pinanatili akong nakaposas sa kama ng mga pulis sa buong panahon ko roon. Pinakakawalan lang nila ako para gumamit ng banyo at para kumain. Isang araw nang magpunta ako sa banyo, dalawang babaeng pasyente ang dumaan at tinanong kung anong krimen ang nagawa ko. Sabi ni Jin, “Rapist siya!” May paghamak na tiningnan ako ng mga babae. Galit na galit ako. Palaging binabaluktot ng mga pulis ang katotohanan at nagsisinungaling!

Nabawasan ang pamamaga ng mga binti ko matapos ang dalawang linggo, pero paika-ika pa rin ako kapag naglalakad. Ibinalik ako ng mga guwardiya sa detention house. Isang araw, tatlong bagong pulis ang nagpunta para interogahin ako. Nang makita akong nakakabit sa IV, marahas nilang sinabing: “Tanggalin iyan! Masyado kayong mabait sa kanya, hinahayaan siyang gumamit ng IV. Sapat nang kabaitan na hinayaan ninyo siyang mabuhay!” Galit na galit kong naisip sa sarili ko: “Ang mga demonyong iyon, pinagyelo ako hanggang halos mamatay tapos sasabihing masyado silang mabait. Talagang malulupit sila at mga walang awa!”

Sa interrogation room, sinabi ng isang pulis: “Nasa kamay na ngayon ng aming Criminal Police Brigade ang kaso mo. Maaaring hindi ka mapakitunguhan ng Political Security Section, pero palagi kaming may mga paraan!” Ang makita ang bawat isa sa kanilang masasama at mga napakapangit na mukha ay nagpakaba sa akin at nagsimula akong pagpawisan. Narinig ko na ang Criminal Police Brigade ang namamahala ng malalaking kaso. Talagang malupit sila at walang awa sa kanilang mga pamamaraan ng pagpapahirap. Hindi ko alam kung paano nila ako pahihirapan. Magagawa ko kayang malampasan ito? Agad akong nagdasal sa Diyos na bigyan ako ng pananalig at paninindigang tanggapin ang pagdurusa. Tapos sabi ng pulis: “Palagi naming napapaamin dito kahit ang pinakamatitibay na tao. Dalubhasa sa pagpaparusa ng mga tao ang Criminal Police Brigade. Wala kaming pakialam kung kayong mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay mabuhay o mamatay, kaya bilisan mo na lang at magtapat ka na!” Sabi ko: “Wala akong masasabi.” Galit na sinampal niya ako nang malakas sa mukha gamit ang isang kamay at pagkatapos ang kabila. Natulala ako. Ang tanging nararamdaman ko ay ang napakasakit kong mukha na may tumutulong dugo mula sa mga gilid ng bibig ko at na namaga ang bibig at mukha ko. Sa pagkakita kung gaano sila kalakas lahat at kung gaano sila maaaring kabrutal, lubha akong nag-alala: “Kung magpapatuloy ito, bubugbugin ba nila ako hanggang sa puntong mabaldado, o mamatay ako? Kung hindi ko makakaya ang pagpapahirap at magtraydor ako, magiging isa akong Hudas.” Agad akong lumapit sa harap ng Diyos at nagdasal. Matapos kong magdasal, naisip ko ang isang pangungusap mula sa mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Binigyan ako ng pananampalataya ng mga salita ng Diyos at nagpasya ako: “Gaano katindi man nila akong bugbugin ngayon, hindi ako magiging isang Hudas!” Sinampal nila ang mukha ko at malakas akong sinipa nang ilang beses pa. Tapos, ibinalik nila ako sa lubid na tulad noong huli. Pero mas masahol pa sa pagkakataong ito. Hinila nila ang mga braso ko sa likuran ko at malakas na hinaltak ang lubid. Pakiramdam ko nababali ang mga braso ko at sobrang sakit nito. Makalipas ang kalahating oras, puno na ng pasa ang mga kamay ko, at kinalagan nila ako nang makita nilang nasa bingit na ako ng kamatayan. Makalipas ang isa pang kalahating oras, nang makitang nakabawi na nang kaunti ang mga pulsuhan ko, ibinalik nila ako sa lubid sa ikalawang pagkakataon. Sa pagkakataong ito, nagdala sila ng isang mop. Isinuksok nila ang hawakan nito sa likod ng lubid sa bandang likod ng leeg ko at pinilipit ito nang dalawang beses kaya mas humigpit pa ang lubid sa mga braso at balikat ko. Isa sa mga pulis ay nakaupo sa isang silya at hawak ang mop sa likuran ko, malakas na itinutulak ito pababa. Sobrang sakit ng mga braso ko at pakiramdam ko mababali na ang mga ito. Habang itinutulak niya pababa ang mop, tinanong niya ako nang tinanong: “Ilan kayo lahat? Sino ang lider ninyo?” Nang makita nilang hindi ako sasagot, nagdala sila ng tatlong bote ng serbesa at isinuksok ang mga iyon sa ilalim ng mga braso ko. Pakiramdam ko hinihila pababa ang mga braso ko at napakatindi ng sakit na halos mawalan ako ng malay. Patuloy lang akong nagdarasal sa Diyos at hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas. Pagkatapos dalawang pulis ang lumapit sa magkabilang gilid ko, itinaas ang damit ko, tapos gumamit ng bukana ng bote ng tubig para mariing kaskasin ang tadyang ko. Napakatindi ng sakit na napasigaw ako. Sinigawan ako ng isang pulis: “Nasasaktan ka, kaya bakit hindi mo hilingin sa Diyos mo na pumarito at iligtas ka, ha? Kung sobrang nasasaktan ka, magsalita ka na lang!” Sa buong panahong iyon ay pabalik-balik nilang kinakaskas nang mariin ang mga tadyang ko hanggang matuklap nila ang balat. Napakasakit nito. Tapos mariin nilang idiniin pababa ang ulo ko at nayayamot na sinabing: “Kung hindi ito gumagana, dalhin natin siya sa kung saan walang ibang tao at bugbugin siya hanggang mamatay. Mas mabuti pang maging magnanakaw kaysa maging isa sa mga mananampalatayang iyon sa Diyos. Sulit ang kaunting pagdurusa kung makakakuha ka ng kaunting pera!” Tapos, sabi ng isang pulis: “Magsalita ka na lang, hindi sulit ang pagdurusa na ito. Kung magsasalita ka, matatapos na ang lahat ng ito.” Pakiramdam ko umabot na sa limitasyon nito ang katawan ko, at naisip ko: “Ano kaya kung sabihin ko na lang sa kanila ang isang bagay na hindi importante? Baka medyo mabawasan ang pagdurusa ko.” Pero pagkatapos ay napagtanto ko na kung may sasabihin ako, magiging isa akong Hudas at pagtataksilan ang Diyos. Wala akong puwedeng sabihin. Patuloy akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos ko! Hindi ko na po talaga kaya. Bigyan Mo po ako ng lakas at protektahan ako para makapagpatuloy akong manindigan sa aking pagpapatotoo.” Matapos akong magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Napanumbalik ng mga salita ng Diyos ang aking lakas. Nararamdaman ko ang Kanyang palagiang paggabay sa aking tabi. Gaano man ako magdusa, sasandal ako sa Diyos at malalampasan ito. Nagdasal ako sa Kanya: “Diyos ko, alam Mo kung gaano ang kaya kong kayanin. Paano man nila ako pahirapan, hindi Kita pagtataksilan. Kung talagang hindi ko na kaya ang higit pang sakit, mas gugustuhin kong mamatay kaysa maging isang Hudas.”

Pagkatapos ng ikalawang round, lupaypay akong umupo sa sahig. Halos hindi pa ako nakakabawi nang isang pulis ang hinila ako sa kwelyo patayo at itinulak ako pasandal sa pader. Diniinan niya nang husto ang leeg ko at mabagsik na sinabing: “Sasakalin kita ngayon!” Halos hindi makahinga, ginamit ko ang lahat ng lakas ko para itulak siya palayo sa akin. Napaatras siya at mukhang natigilan. Naramdaman ko ring nakakagulat ito. Matapos ang isang buwan ng pagpapahirap, napakahina ko na. Nang araw na iyon ay dumaan na ako sa ilang pagpapahirap at wala na akong natitirang lakas. Hindi ko inakalang maitutulak ko pa siya. Alam ko na ang Diyos iyon na tumutulong sa akin at nagbibigay sa akin ng lakas. Patuloy nila akong pinahirapan hanggang makalipas ang ala una ng hapon. Galit na sinabi ng isa sa mga criminal officer: “Napakatigas ng ulo mo. Magpapatuloy tayo bukas at makikita natin kung hanggang kailan mo kakayanin. Kung hindi ka magsasalita, tatanungin ka namin araw-araw hanggang magsalita ka!” Noong gabi nakahiga ako sa tulugan ko, bugbog ang buong katawan. Ang balat sa paligid ng tadyang ko ay puro hiwa at kahit ang huminga ay masakit. Napakasakit ng mga braso ko na ni hindi ko mahubad ang damit ko. Itinaas ko ang kwelyo ko at nakita kong ang mga sugat sa mga balikat ko na naghilom na ay bumalik. May mga marka ng dugo ang mga pulsuhan ko mula sa bakat ng lubid. Gagawin ng mga demonyong iyon ang kahit ano, gaano man kalupit, para pilitin akong pagtaksilan ang Diyos at traydurin ang aking mga kapatid. Sabik silang patayin ako. Grupo sila ng mga demonyong namumuhi sa katotohanan at namumuhi sa Diyos! Naisip ko kung paanong sinabi ng pulis na ipagpapatuloy nila ulit ang pag-iinteroga sa akin kinabukasan at nakadama ako ng kurot ng karuwagan at takot: “Mas magiging malala pa ba ang pagpapahirap nila sa akin bukas? Pahihirapan ba nila ako hanggang mamatay ako? Hindi titigil ang masasamang pulis na ito hangga’t hindi ko sinasabi ang tungkol sa iglesia. Pero kung magsasalita ako, magiging Hudas ako na pinagtataksilan ang Diyos, at kung hindi ako magsasalita, malamang na pahihirapan ako hanggang mamatay ako.” Paulit-ulit akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos ko, napakababa ng tayog ko, talagang hindi ko po kayang lampasan ang pagpapahirap na ito nang mag-isa, pero ayokong maging isang Hudas at pagtaksilan Ka. Pakiusap, tulungan Mo po ako at gabayan ako.” Matapos magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan. Dapat Ko itong sabihin sa inyo: Sinumang babasag sa puso Ko ay hindi makatatanggap ng habag mula sa Akin sa ikalawang pagkakataon, at ang sinumang naging matapat sa Akin ay magpakailanmang mananatili sa puso Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Paulit-ulit kong inisip ang mga salitang iyon. Alam ko na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at walang pinahihintulutang pagkakasala. Kung pagtataksilan ko ang Diyos at tatraydurin ang aking mga kapatid para maiwasan ang pagdurusa, malalabag ko ang disposisyon ng Diyos at sa huli ay pagdurusahan ko ang kaparusahan. Pinag-isipan ko ang buong karanasang ito. Kung hindi dahil sa mga salita ng Diyos na gumagabay sa akin, hindi ko sana nagawang malampasan ang brutal na pagpapahirap ng mga pulis. Dahil sa proteksiyon ng Diyos kaya buhay pa rin ako. Ang aking buhay at kamatayan ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi maaaring kitilin ni Satanas ang aking buhay. Nasa isip iyon, nagkaroon ako ng determinasyon na ibigay ang lahat ko para manindigan sa aking patotoo sa Diyos. Sa gulat ko, sa sandaling nagkaroon ako ng kumpiyansa na harapin ang susunod na interogasyon, hindi sila bumalik. Pagkalipas ng humigit-kumulang sa isang buwan, inabisuhan ako ni Lyu: “Sarado na ang kaso mo. Nabigyan ka ng isang taon. Ang pamilya mo ay nagsaayos ng piyansa habang nakabinbin ang paglilitis. Sa sandaling nakauwi ka na, kailangan mong manatili roon ng isang taon. Kapag pinatawag ka, kailangan mong magpakita kaagad.”

Pagkatapos kong makalaya, para maiwasan ang pagmamatyag ng mga pulis, kinailangan kong umalis ng bahay para tuparin ang tungkulin ko sa iba pang lugar. Ang pag-aresto at pag-uusig na iyon ng CCP ay tinulungan akong malinaw na makita ang mala-demonyong diwa ng pagkamuhi at paglaban nito sa Diyos. Lubos ko itong kinamuhian. Naramdaman ko rin talaga ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos para sa akin. Noong halos hindi ko na kinakaya ang higit pang pagdurusa mula sa pagpapahirap, palaging kasama ko ang Diyos, binabantayan at pinoprotektahan ako, at ginagamit ang Kanyang mga salita para gabayan ako at bigyan ako ng pananampalataya at lakas para mapagtagumpayan ko ang kalupitan ng mga diyablong iyon at magkaroon ng determinasyon na ipangako ang buhay ko sa Diyos at manindigan sa aking patotoo sa Kanya. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, Tsina Isang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...