Kapag ang Pagganap sa mga Tungkulin ay Sumasalungat sa Pagiging Mabuting Anak

Oktubre 11, 2024

Ni Mu Cheng, Tsina

Sa nakalipas na ilang taon, ginampanan ko ang mga tungkulin ko nang malayo sa bahay. Nami-miss ko minsan ang aking ina, pero naging abala ako sa tungkulin ko at saka bata pa naman siya at malakas, kaya hindi ako nakakaramdam ng pagpigil o pag-aalala habang ginagampanan ko ang tungkulin ko. Pagkatapos, noong Setyembre ng 2020, ginamit ng Partido Komunista ang census bilang dahilan upang magbahay-bahay at maghanap ng mananampalataya. Sa census na ‘yon, inaresto ako at ikinulong ng pulis. Nang mapiyansahan ako at makauwi, napansin kong dumami na ang mga puting buhok ng nanay ko sa ilang taong nakalipas na magkahiwalay kami, hirap na rin siyang kumilos, at lumala ang sakit niya sa tiyan. Kapag may mali siyang nakain, mamimilipit siya sa loob ng ilang araw. Dahil sa mga alalahanin sa kaligtasan, hindi na siya nakadadalo sa mga pagtitipon at nasa masamang kalagayan siya. At dahil sa pagkakaaresto sa ‘kin nang dalawang beses, talagang nag-alala siya na naging dahilan ng depresyon at hindi paglabas ng bahay. Nalungkot ako. Maagang namatay ang tatay ko, at naghirap nang husto ang nanay ko para mapag-aral kami ng kapatid kong babae. Noon pa man ay gusto ko nang mapaglingkuran ang nanay ko pero hindi ako nagkaroon ng pagkakataon. Ngayong nasa bahay na ako, maaalagaan ko na rin sa wakas ang nanay ko.

Nang makauwi ako, dumating sa bahay namin ang National Security Brigade at sinabing kailangan kong mag-ulat sa kanila kada buwan at sabihin ang lagay ng trabaho at kinaroroonan ko. Dahil dito, hindi ko nagawang makipag-ugnayan sa iglesia at magampanan ang tungkulin ko, kaya nagtrabaho ako bilang photographer at ginugol ang natitira kong oras sa pag-aalaga sa nanay ko. Kapag nagkakaroon ako ng oras, nakikipagkuwentuhan ako sa nanay ko tungkol sa mga naging karanasan ko noong mga nakaraang taon, at dinadala rin namin siya ng kapatid ko sa mga kainan. Minsan, dinadala ko siya sa ospital para magpa-checkup at binibilhan ko siya ng gamot para sa sakit niya sa tiyan. Laging pumupunta at nanggugulo ang mga pulis sa bahay namin, at pinag-uulat ako sa kanila at pinapipirma sa “Tatlong Pahayag.” Nakikitang kung paano nila ako kinokontrol at nag-aalala na baka may masamang mangyari sa ‘kin, mas lumala ang depresyon ng nanay ko at hindi na siya nakipag-ugnayan sa ibang hindi kapamilya. Hindi na rin siya lumalabas para mamili ng grocery. Medyo nag-alala ako sa ikinikilos ng nanay ko, at nabahala akong baka magkaroon siya ng sakit sa pag-iisip. Ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para maalalayan siya—binahaginan ko siya, ipinasyal ko siya para makapagrelaks, pero walang nakatulong. Nag-aalala ako at nababalisa. Ang magagawa ko lang ay mas magsumikap para mabigyan ng mas magandang buhay ang sarili ko, para hindi na siya gaanong mag-alala sa ‘kin. At lumipas ang isang taon nang gano’n na lang, at hindi pa rin tinitigilan ng mga pulis ang pagkontrol sa akin. Hindi ko pa rin nagagawa ang tungkulin ko malapit sa bahay. Kalaunan, tinanong ng mga kapatid kung makakaalis ba ako sa bahay upang gumanap ng tungkulin. Dahil hindi maganda ang lagay ng nanay ko at gusto ko siyang alagaan, tinanggihan ko ang tungkulin. Pagkatapos no’n, ilang beses nila akong binahaginan, sinuportahan at tinulungan nila ako, binahaginan ng layunin ng Diyos at umasa silang patuloy kong gagampanan ang aking tungkulin. Nararamdaman ko na ito ay pag-ibig at pagliligtas ng Diyos na bumababa sa akin ngunit naguguluhan pa rin ako. Naisip ko na kapag umalis ako para gampanan muli ang tungkulin ko, siguradong mapapansin ng pulis na hindi na ako nag-uulat sa kanila, at sino ang nakakaalam kung kailan ako makakauwi. Mahina na ang kalusugan ng nanay ko at malubha na ang kalagayan niya. Kung mananatili ako sa tabi niya, maaalagaan ko pa siya at magiging mabuting anak ako sa kanya. Mas lalala ba ang depresyon niya kapag umalis ako? Paano kung lumala pa siya at magkaroon ng sakit sa pag-iisip? Ano na lang ang iisipin ng mga kaibigan at kamag-anak ko sa ‘kin? Hindi ba’t iisipin nila na masama akong anak? Dahil sa mga alalahaning ito, naguluhan talaga ako at hindi ko alam ang gagawin ko.

Sa panahong ‘yon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa pagiging mabuting anak. Sabi sa mga salita ng Diyos: “Unang sinabi ng Diyos na igalang ng mga tao ang kanilang mga magulang, at pagkatapos, ipinanukala ng Diyos ang mas matataas na hinihingi para sa mga tao tungkol sa kanilang pagsasagawa sa katotohanan, pagganap sa kanilang mga tungkulin, at pagsunod sa daan ng Diyos—alin sa mga ito ang dapat mong sundin? (Ang mas matataas na hinihingi.) Tama bang magsagawa ayon sa mas matataas na hinihingi? Maaari bang hatiin ang katotohanan sa mas matataas at mas mabababang katotohanan, o sa mga mas luma at mas bagong katotohanan? (Hindi.) Kaya kapag isinasagawa mo ang katotohanan, sa ano dapat naaayon ang iyong pagsasagawa? Ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan? (Ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo.) Ang pangangasiwa sa mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo ang pinakamahalaga. Ang pagsasagawa sa katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos sa iba’t ibang oras, lugar, kapaligiran, at konteksto; hindi ito tungkol sa mapagmatigas na paglalapat ng mga patakaran sa mga bagay-bagay, tungkol ito sa pagtataguyod sa mga katotohanang prinsipyo. Iyon ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, wala talagang salungatan sa pagitan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga hinihinging ipinanukala ng Diyos. Sa mas kongkretong pananalita, wala talagang salungatan sa pagitan ng paggalang sa iyong mga magulang at pagkumpleto sa atas at tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos. Alin sa mga ito ang mga kasalukuyang salita at hinihingi ng Diyos? Dapat mo munang isaalang-alang ang tanong na ito. Magkakaibang bagay ang hinihingi ng Diyos sa iba’t ibang tao; mayroon Siyang mga natatanging hinihingi sa kanila. Ang mga naglilingkod bilang lider at manggagawa ay tinawag ng Diyos, kaya dapat silang tumalikod, at hindi sila maaaring manatili kasama ng kanilang mga magulang, dahil sa paggalang sa mga ito. Dapat nilang tanggapin ang atas ng Diyos at talikuran ang lahat upang sumunod sa Kanya. Isang uri iyon ng sitwasyon. Ang mga regular na tagasunod ay hindi tinawag ng Diyos, kaya maaari silang manatili kasama ng kanilang mga magulang at igalang ang mga ito. Walang gantimpala sa paggawa nito, at wala silang makakamit na anumang pagpapala dahil dito, ngunit kung hindi sila magpapakita ng paggalang sa mga magulang, wala silang pagkatao. Sa katunayan, ang paggalang sa mga magulang ay isa lang uri ng responsabilidad, at malayo ito sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pagpapasakop sa Diyos ang siyang pagsasagawa sa katotohanan, ang pagtanggap sa atas ng Diyos ang siyang pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos, at ang mga tumatalikod sa lahat ng bagay upang gawin ang kanilang mga tungkulin ang siyang mga tagasunod ng Diyos. Bilang buod, ang pinakamahalagang gawaing nasa harapan mo ay ang gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Iyon ang pagsasagawa sa katotohanan, at isa itong pagpapamalas ng pagpapasakop sa Diyos. Kaya, ano ang katotohanan na dapat pangunahing isagawa ng mga tao ngayon? (Ang pagganap sa tungkulin.) Tama iyan, ang matapat na pagganap sa tungkulin ay pagsasagawa sa katotohanan. Kung hindi taos-pusong isinasagawa ng isang tao ang kanyang tungkulin, nagtatrabaho lang siya(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 4). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nalaman ko ang layunin at mga hinihingi Niya. Ang paggalang sa ina’t ama ay dati nang hinihingi ng Diyos at dapat isagawa. Hangga’t hindi ito nakakaimpulwensiya sa tungkulin ng isang tao, ang pag-aalaga at pagbibigay oras sa mga magulang, at pag-iwas sa kanila na mag-alala at mabalisa ay responsabilidad ng bawat tao bilang anak. Gayunpaman, wala itong kinalaman sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Noong magkasakit ang nanay ko, responsabilidad kong dalhin siya sa ospital at bilhan ng mga gamot, ngunit ginagampanan ko lang ang tungkulin ng mabuting anak, hindi isinasagawa ang katotohanan. Kapag tinawag at hiniling ng Diyos sa mga tao na gawin nila ang tungkulin nila, kahit pa ang paggawa ng tungkuling ‘yon ay sumasalungat sa pagiging mabuting anak sa mga magulang, bilang mga nilikha, dapat tayong magpasakop sa Diyos at sumunod sa daan Niya upang magampanan natin ang ating mga tungkulin bilang mga nilikha. Ito ang pagtawag ng langit sa ‘tin at ang kasalukuyang layunin at hinihingi ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, naunawaan ko na kung paano ako dapat magpasya sa susunod. Mahalagang panahon ito para sa malaking pagpapalawak ng ebanghelyo ng kaharian, at maraming kailangang gawin nang agaran. Nagtamasa ako ng maraming katotohanan mula sa Diyos at nilinang ako ng sambahayan ng Diyos sa loob ng maraming taon, kaya natural lang na kailangan kong piliing gawin ang aking tungkulin upang mapalugod ang Diyos. Kung tutuusin, hindi mabuti ang lagay ng nanay ko pero kaya naman niyang alagaan ang sarili niya, at maaalagaan din siya ng tiyuhin at kapatid ko. Kailangan kong gampanan ang aking tungkulin—ito ang inasam at hiniling sa ‘kin ng Diyos at ang kailangan sa paghahangad ko sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Kung mananatili ako sa bahay, patuloy pa rin akong babantayan at kokontrolin ng pulis at ganap akong mawawalan ng kakayahang gampanan ang tungkulin ko at tahakin ang landas ng pananalig. Kung mananatili ako sa tabi ng aking ina bilang mabuting anak, sa huli, matatali ako sa mga alalahanin ng pamilya at laman at hindi ko magagampanan ang aking tungkulin. Mawawalan ako ng silbi bilang isang nilalang at mawawalan ng pagkakataong maligtas. Naisip ko ang pangakong sinabi ko noon sa harap ng Diyos na ibibigay ko ang buong buhay ko sa Diyos at gugugulin ko ang aking sarili para sa Kanya. Naalala ko rin ang lahat ng natutunan ko noong ginagawa ko ang aking tungkulin nang malayo sa bahay, at kung gaano kalaki ang nabago sa buhay ko. Higit na mas makabuluhan at mahalaga ito kaysa mamuhay sa aking laman kasama ng pamilya ko sa bahay. Ginagabayan ako ng Diyos sa landas na ‘yon, isang landas na itinakda Niya para sa akin. Handa akong magpatuloy sa landas na ito.

Pagkatapos no’n, sinabi ko sa aking ina ang plano kong umalis sa bahay para gampanan ang aking tungkulin. Medyo nagdadalawang-isip ang aking ina na maghiwalay kami, pero nirespeto niya ang desisyon ko. Sa mga sumunod na araw, kapag hindi ako nagtatrabaho, inaakay ko ang aking ina na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at makipagbahaginan. Umaasa akong gagaling siya sa kanyang depresyon sa lalong madaling panahon. Pagkalipas ng ilang araw, naayos ko na ang lahat sa bahay at umalis na ako. Pagkatapos, ginampanan ko na kaagad ang aking tungkulin. Sa kabila ng pagiging abala, hindi ko pa rin mapigilang ma-miss ang nanay ko. Kapag naiisip ko kung gaano siya kalungkot at nagdadalawang-isip nang makita niya ako sa labas ng bahay, sobra akong nalulungkot. Sa bahay, nasasamahan at nakakausap ko siya para hindi siya malungkot. Ngayong wala na ako, paano na lang siya? Malubha na ang kalagayan ng nanay ko at nag-aalala akong lumalim ang kanyang depression dahil sa lumalalang kondisyon ng kalusugan niya. Kapag lumipas ang panahon at hindi niya malabanan ang depression niya, may gagawin kaya siyang hindi maganda? Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nag-aalala. Kung may mangyari sa aking ina, siguradong pag-uusapan ako nang masama ng mga kamag-anak ko. Nang maisip ko ito, medyo nabalisa ako at hindi makapagpokus sa aking tungkulin. Alam kong dapat kong ibigay ang lahat sa aking tungkulin habang nandoon ako, na susi ang pagtupad sa aking tungkulin para mapalugod ang Diyos, ngunit hindi ko mapigilang makonsensiya at sisihin ang aking sarili sa kalagayan ng nanay ko.

Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sino ang tunay at ganap na makagugugol para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikut-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang sapat na paniniwala sa Akin? O ito ba’y dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman? Lagi kang nasasabik sa iyong mga mahal sa buhay!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Oo nga, hindi ba’t ang kalusugan at ang kalubhaan ng depresyon ng aking ina ay nasa mga kamay ng Diyos? Gaano man ako mag-alala, hindi ito makakatulong sa kalagayan niya; kailangan kong ipaubaya ang lahat sa mga kamay ng Diyos. Kalaunan, nagdasal ako sa Diyos: “O Diyos, alam kong kung bubuti ba o hindi ang lagay ng aking ina at kung lulubha ba ang kanyang kalusugan ay nasa Iyong mga kamay ang lahat. Mangyaring gabayan Mo siyang makaahon sa depresyon at paghihirap. Kung may dapat siyang matutunan dito, mangyaring gabayan Mo siya na pagnilayan ang kanyang sarili at matutunang maranasan ang gawain Mo. Handa akong ipaubaya ang lahat sa Iyong kamay at magpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.” Pagkatapos magdasal, gumaan ang pakiramdam ko. Nang maglaon, sumulat ako sa aking ina, ibinahagi ko ang mga natutunan ko, at sinabi ang ilang problema sa karanasan niya sa pag-asang pagninilayan niya at kikilalanin ang kanyang sarili.

Pagkatapos, nakatanggap agad ako ng sulat mula sa aking ina. Sinabi niyang hindi nagtagal pagkaalis ko, isinaayos ng mga kapatid ang buhay iglesia para sa kanya. Bukod do’n, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naunawaan niya ang mga negatibong emosyon na kaugnay sa pamumuhay niya nang may depression. Bumuti na rin ang lagay niya. Sobra akong natuwa nang mabalitaan ko ito at nagpasalamat ako sa Diyos. Kalaunan, nang mabasa ko ang pagbabahagi ng Diyos tungkol sa katotohanan kung paano tingnan nang tama ang mga responsabilidad na ginagampanan ng anak sa kanyang mga magulang, agad na gumaan ang pakiramdam ko at nagkaroon ako ng tamang pananaw at prinsipyo ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang relasyon ng magulang at anak ay ang pinakamahirap na relasyon na pangangasiwaan ng isang tao sa emosyonal na aspekto, ngunit sa katunayan, hindi naman ito lubusang hindi mapangasiwaan. Tanging sa batayan ng pag-unawa sa katotohanan magagawang tratuhin ng mga tao ang usaping ito nang tama at may katwiran. Huwag magsimula mula sa perspektiba ng mga damdamin, at huwag magsimula mula sa mga kabatiran o perspektiba ng mga makamundong tao. Sa halip, tratuhin mo ang iyong mga magulang sa wastong paraan ayon sa mga salita ng Diyos. Ano ba talaga ang papel na ginagampanan ng mga magulang, ano ba talaga ang kabuluhan ng mga anak sa kanilang mga magulang, ano ang saloobin na dapat taglayin ng mga anak sa kanilang mga magulang, at paano dapat pangasiwaan at lutasin ng mga tao ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak? Hindi dapat tingnan ng mga tao ang mga bagay na ito batay sa mga damdamin, at hindi sila dapat maimpluwensiyahan ng anumang maling ideya o mga nananaig na sentimyento; dapat harapin ang mga ito nang tama batay sa mga salita ng Diyos. Kung mabibigo kang tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang sa kapaligirang inorden ng Diyos, o kung wala kang anumang papel sa kanilang buhay, iyon ba ay pagiging hindi mabuting anak? Uusigin ka ba ng iyong konsensiya? Tutuligsain ka ng iyong mga kapitbahay, kaklase, at kamag-anak at babatikusin ka kapag nakatalikod. Tatawagin ka nilang isang hindi mabuting anak, at sasabihing: ‘Labis na nagsakripisyo ang iyong mga magulang para sa iyo, naglaan sila ng puspusang pagsisikap para sa iyo, at napakarami ng ginawa nila para sa iyo mula pa noong bata ka, at ikaw na walang utang na loob na anak ay bigla na lang mawawala na parang bula, wala ka man lang pasabi na ligtas ka. Bukod sa hindi ka umuuwi sa Bagong Taon, hindi ka rin tumatawag o naghahatid ng pagbati para sa iyong mga magulang.’ Tuwing naririnig mo ang mga ganitong salita, nagdurugo at umiiyak ang iyong konsensiya, at pakiramdam mo ay kinondena ka. ‘Naku, tama nga sila.’ Namumula ang iyong mukha sa init, at kumikirot ang iyong puso na parang tinutusok ng mga karayom. Nagkaroon ka na ba ng mga ganitong damdamin? (Oo, dati.) Tama ba ang iyong mga kapitbahay at kamag-anak sa pagsasabing hindi ka isang mabuting anak? … Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, lumalabas ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang magagawa kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon ka ngang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, palagi silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo lang ito magawa. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging masamang anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng kaunting hirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging hindi mabuting anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka masamang anak; hindi ka pa umabot sa punto ng kawalan ng pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka masamang anak. Ito ang dalawang dahilan. At may isa pa: Kung ang iyong mga magulang ay hindi ang uri ng mga taong partikular na umuusig sa iyo o humahadlang sa iyong pananampalataya sa Diyos, kung sinusuportahan nila ang iyong pananampalataya sa Diyos, o kung sila ay mga kapatid na nananampalataya sa Diyos tulad mo, mga miyembro mismo ng sambahayan ng Diyos, kung gayon, sino sa inyo ang hindi tahimik na nagdarasal sa Diyos kapag iniisip ang iyong mga magulang sa kaloob-looban? Sino sa inyo ang hindi ipinagkakatiwala ang inyong mga magulang—kasama na ang kanilang kalusugan, kaligtasan, at lahat ng kanilang pangangailangan sa buhay—sa mga kamay ng Diyos? Ang ipagkatiwala ang iyong mga magulang sa mga kamay ng Diyos ang pinakamainam na paraan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila. Hindi mo gusto na maharap sila sa iba’t ibang klase ng suliranin sa kanilang buhay, at ayaw mo rin na mamuhay sila nang hindi komportable, hindi kumakain nang maayos, o nagdurusa sa masamang kalusugan. Sa kaibuturan ng iyong puso, talagang umaasa ka na poprotektahan sila ng Diyos at pananatilihing ligtas. Kung sila ay mga mananampalataya sa Diyos, umaasa ka na magagampanan nila ang kanilang sariling mga tungkulin at umaasa ka rin na makakapanindigan sila sa kanilang patotoo. Ito ay pagtupad sa mga responsabilidad ng tao; makakamit lamang ng mga tao ang ganito karami sa pamamagitan ng kanilang sariling pagkatao. Dagdag pa rito, ang pinakamahalaga ay na pagkatapos ng mga taon ng pananampalataya sa Diyos at pakikinig sa napakaraming katotohanan, kahit papaano, ang mga tao ay may ganitong kaunting pagkaunawa at pagkaintindi: Ang kapalaran ng tao ay itinatakda ng Langit, ang tao ay namumuhay sa mga kamay ng Diyos, at ang pagkakaroon ng pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ay mas mahalaga kaysa sa mga alalahanin, pagiging mabuting anak, o ang samahan ka ng iyong mga anak. Hindi ba’t magaan sa pakiramdam na nasa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos ang iyong mga magulang? Hindi mo na kailangang mag-alala para sa kanila. Kung mag-aalala ka, ibig sabihin ay wala kang tiwala sa Diyos; masyadong maliit ang iyong pananalig sa Kanya. Kung tunay kang nag-aalala at nagmamalasakit para sa iyong mga magulang, dapat kang madalas na magdasal sa Diyos, ipagkatiwala sila sa mga kamay ng Diyos, at hayaang patnugutan at isaayos ng Diyos ang lahat ng bagay. Pinamumunuan ng Diyos ang kapalaran ng sangkatauhan at Siya ang namumuno sa kanilang bawat araw at sa lahat ng pinagdaraanan nila, kaya ano pa ba ang ipinag-aalala mo? Ni hindi mo kayang kontrolin ang sarili mong buhay, ikaw mismo ay may napakaraming suliranin; ano ang magagawa mo para makapamuhay nang masaya ang iyong mga magulang araw-araw? Ang tanging magagawa mo ay ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa mga kamay ng Diyos. Kung sila ay mga mananampalataya, hilingin mo sa Diyos na gabayan sila sa tamang landas upang maligtas sila sa huli. Kung sila ay hindi mananampalataya, hayaan mo silang tumahak sa anumang landas na gusto nila. Para sa mga magulang na mas mabait at may kaunting pagkatao, maaari kang manalangin sa Diyos na pagpalain sila para makapamuhay sila nang masaya sa kanilang mga nalalabing taon. Tungkol sa kung paano gumagawa ang Diyos, mayroon Siyang Kanyang mga pagsasaayos, at dapat magpasakop ang mga tao sa mga ito. Kaya, sa kabuuan, mayroong kamalayan ang mga tao sa kanilang konsensiya tungkol sa mga responsabilidad na tinutupad nila sa kanilang mga magulang. Anuman ang saloobin sa mga magulang ang hatid ng kamalayang ito, ito man ay pag-aalala o pagpasyang pumaroon sa kanilang tabi, sa alinmang paraan, hindi dapat makonsensiya o magkaroon ng mabigat na pasanin sa konsensiya ang mga tao dahil sa hindi nila matupad ang kanilang mga responsabilidad sa kanilang mga magulang sapagkat apektado sila ng mga obhetibong sitwasyon. Ang mga isyung ito, at ang iba pang katulad nito, ay hindi dapat maging problema sa mga buhay ng pananampalataya sa Diyos ng mga tao; ang mga ito ay dapat bitiwan. Pagdating sa mga paksang ito na nauugnay sa pagtupad sa mga responsabilidad ng isang tao sa mga magulang, dapat magkaroon ang mga tao nitong mga tumpak na pagkaunawa at hindi na dapat makaramdam ng pagpipigil. Sa isang banda, mula sa kaibuturan ng iyong puso, alam mong hindi ka masamang anak, at hindi mo iniiwasan o tinatakasan ang iyong mga responsabilidad. Sa isa pang banda, nasa mga kamay ng Diyos ang iyong mga magulang, kaya ano pa ba ang dapat ikabahala? Ang anumang pag-aalala na maaaring mayroon ang isang tao ay hindi na kinakailangan. Ang bawat tao ay mamumuhay nang maayos ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos hanggang sa huli, mararating ang katapusan ng kanilang landas, nang walang anumang pagkakaligaw. Kaya, hindi na dapat mag-alala ang mga tao tungkol sa bagay na ito. Ikaw man ay mabuting anak, natupad mo man ang iyong mga responsabilidad sa iyong mga magulang, o kung dapat mo bang suklian ang kabutihan ng iyong mga magulang—hindi ito mga bagay na dapat mong pag-isipan pa; ang mga ito ay mga bagay na dapat mong bitiwan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Sa mga salita ng Diyos nakita ko kung paanong noong umalis ako sa bahay para gampanan ang aking tungkulin at hindi ko magampanan ang responsabilidad ko bilang isang anak, nakonsensiya ako at nag-alalang ituturing ako bilang isang masamang anak. Napagtanto kong hindi ako nag-iisip mula sa perspektiba ng katotohanan at sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano tingnan nang tama ang responsabilidad ng anak sa kanyang mga magulang, kundi tiningnan ko ang responsabilidad na ito nang ayon sa mga pagkatali sa pamilya ng isang makamundong tao. Ang totoo, ang pagkakaroon ng kakayahan at pagkakataong alagaan ang iyong mga magulang ngunit mabigo kang gawin ito at pag-alis sa tabi nila dahil tinawag ka ng Diyos para gampanan ang iyong tungkulin ay dalawang sitwasyon na ganap na magkaiba ang kalikasan. Kung ang isang anak ay naninirahan kasama ang kanyang mga magulang at may oras siya para maging mabuting anak sa mga ito, ngunit ayaw niyang gampanan ang responsabilidad niya sa kanyang mga magulang dahil sa mga pansarili niyang interes at pagnanais, at hindi niya inaalagaan ang mga ito nang sila’y tumanda at nagkasakit, hindi siya makatao at wala na siyang konsensiya’t katwiran na dapat taglay ng isang normal na tao. Tayong mga nananalig at sumusunod sa Diyos ay handang gampanan ang mga responsabilidad natin sa ating mga magulang, at alagaan sila sa abot ng ating makakaya kapag kasama natin sila. Gayunpaman, dahil sa pag-uusig ng Partido Komunista, marami sa atin ang hindi makauwi at makagawa ng tungkulin kung saan tayo nakatira. Sadyang hindi tayo puwedeng tumira kasama ng ating mga magulang at maging mabuting anak. At, minsan dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, kailangan nating umalis sa ating mga bahay para gampanan ang ating mga tungkulin bilang mga nilikha at hindi tayo maaaring manatili kasama ng ating mga magulang bilang mabuting anak. Kung pupuwede, umaasa rin tayong matawagan nang madalas ang ating mga magulang para malaman ang lagay nila at ipaalam na ayos lang tayo, para hindi sila mag-alala. May pag-aalala sa ating mga puso para sa ating mga magulang. Minsan ipinagdarasal din natin ang ating mga magulang at ipinapaubaya natin ang ating pamilya sa kamay ng Diyos. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para maisagawa ang pagiging mabuting anak at magampanan ang ating mga responsabilidad sa sarili nating mga pamamaraan at ayon sa kani-kanya nating sitwasyon. Hindi ito katulad ng tinatawag ng mga makamundong tao na “pagiging masamang anak.” Iba ang tinatahak nating landas sa kanila, nananalig tayo at sumusunod sa Diyos at tinatahak natin ang tamang landas ng buhay, at hangad nating gampanan ang ating mga tungkulin at sundin ang kalooban ng Diyos. Pasan natin ang mas mahalagang responsabilidad at misyon. Ang pagtupad ng ating tungkulin ay pagsasagawa ayon sa layunin at mga hinihingi ng Diyos, pagsasagawa ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos. Ito ay higit pa sa pamantayan ng moralidad at konsensiya ng tao. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, mas nalinawan ako at nagkaroon ng tamang pananaw at saloobin. Hindi na ako natatakot na kutyain ng mga makamundong tao o masabihan na masamang anak.

Sa pagbabahagi ng Diyos, malinaw ko ring nakita na wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Hindi ko nakita na ang kamatayan at kapalaran ng tao ay nasa kamay ng Diyos. Ang kalusugan ng ating mga magulang, ang karamdaman na haharapin nila at kung paano sila mamumuhay sa kanilang pagtanda, wala sa mga ito ang maaaring matukoy ng tao, lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Kailangan kong kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa bagay na ito at magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Naisip ko na noong nagkasakit ang aking ina, dinala ko siya upang magpatingin sa mga doktor, at iniskedyul ko siya ng pagpapatingin tuwing may pupuwedeng mga espesyalista, ngunit sa kabila ng pag-inom ng mga gamot, bukod sa hindi gumaling ang kanyang karamdaman, lumala pa ito. Wala na akong magawa para sa aking ina habang nasa tabi niya ako, ni hindi ko man lang nabawasan ang paghihirap niya. Nang malugmok siya sa depresyon at paghihirap, nakipagbahaginan ako sa kanya nang kaunti, minsan ginagabayan ko siya at minsan naman inilalantad ko ang kanyang mga problema, ngunit nakulong siya sa maling kalagayan at ayaw niya itong itama, wala na talaga akong magagawa sa kabila ng pag-aalala ko. Ngunit, nang umalis ako upang gampanan ang aking tungkulin, nagawa naman ng aking ina na makipagtipon nang normal, handa rin siyang makipag-ugnayan sa mga kapatid at umayos na ang kalagayan niya. Napansin kong hindi talaga nakatulong ang maliliit na bagay na ginawa ko bilang mabuting anak. Ang proteksyon at pangangalaga ng Diyos ang higit na mahalaga kaysa sa pananatili ko sa kanyang tabi upang alagaan siya. Nakita ko na ang pagiging maayos at kaligayahan ng mga magulang ay hindi nakasalalay sa kung ang mga anak nila ay mabuti ba sa kanila, kundi nakasalalay ito sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalaga ng Diyos. Ang pinakamabuting paraan na maisasagawa natin bilang anak ay ang ipagdasal natin ang ating mga magulang at ganap silang ipaubaya sa mga kamay ng Diyos. Gaya nga ng sabi ng mga salita ng Diyos: “Ang ipagkatiwala ang iyong mga magulang sa mga kamay ng Diyos ang pinakamainam na paraan para magpakita ng pagiging mabuting anak sa kanila(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Kapag nanalig tayo na ang lahat ng pagsasaayos ng Diyos ay magiging angkop at nagpasakop tayo sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mamumuhay tayo nang mapayapa at masaya.

Hindi ko ito naiintindihan dati, at lagi akong nakokonsensiya na hindi ako mabuting anak sa mga magulang ko, lagi kong inaalala na tatawagin ako ng iba na masamang anak at pag-uusapan ako sa aking likuran. Dahil dito, habang ginagawa ko ang aking tungkulin, lagi akong nababahala at nakakaramdam ng pagpigil. Kahit na umalis ako sa bahay upang gampanan ang aking tungkulin, laging nag-aalala ang puso ko para sa aking ina. Hindi ko maibigay nang buo ang puso ko sa aking tungkulin, at bilang resulta, nabigo akong maunawaan ang mga prinsipyo at kasanayan at madalas nagkakaroon ng mga problema at pagkalihis sa aking gawain. Ngunit hindi ako nakakaramdam ng pagkakonsensiya o pagsisisi sa mga problemang ito, kundi nakokonsensiya ako dahil hindi ako naging mabuting anak sa aking ina. Hindi ba’t baliktad ang aking mga prayoridad? Mapaghimagsik ako sa Diyos! Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatalaga ng Diyos kung kaya’t mayroon akong mga magulang at buhay. Una sa lahat, isa akong nilikha, at pangalawa lang ang pagiging anak ko sa aking mga magulang. Pero, lagi kong inuunang tugunan ang mga emosyonal na pangangailangan ko, at iniiwasan kong mapagalitan ako ng mga makamundong tao, ngunit nabigo akong tuparin ang responsabilidad na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos sa aking tungkulin. Hindi ba’t ito ay pagtataksil? Paano ko masasabing may tunay akong konsensiya? Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Napangalagaan mo ang iyong reputasyon bilang isang mabuting anak, natugunan mo ang iyong mga emosyonal na pangangailangan, hindi kailanman naakusahan ang iyong konsensiya, at nasuklian mo ang kabutihan ng iyong mga magulang, ngunit may isang bagay kang napabayaan at naiwala: Hindi mo tinrato at hinarap ang lahat ng bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, at nawalan ka ng pagkakataon na gampanan ang iyong tungkulin bilang isang nilikha. Ano ang ibig sabihin nito? Ibig sabihin nito ay naging mabuting anak ka sa iyong mga magulang ngunit ipinagkanulo mo ang Diyos. Nagpakita ka ng pagiging mabuting anak at tinugunan mo ang mga emosyonal na pangangailangan ng laman ng iyong mga magulang, subalit naghimagsik ka laban sa Diyos. Mas pipiliin mong maging isang mabuting anak kaysa gampanan ang iyong mga tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang pinakamalaking kawalan ng respeto sa Diyos. Hindi sasabihin ng Diyos na isa kang taong nagpapasakop sa Kanya o na nagtataglay ka ng pagkatao dahil lang sa mabuti kang anak, hindi mo binigo ang iyong mga magulang, may konsensiya ka, at tinutupad mo ang iyong mga responsabilidad bilang anak. Kung tinutupad mo lang ang mga pangangailangan ng iyong konsensiya at ang mga emosyonal na pangangailangan ng iyong laman, ngunit hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos o ang katotohanan bilang batayan at mga prinsipyo sa pagtrato o pangangasiwa ng bagay na ito, kung gayon, ipinapakita mo ang pinakamalaking paghihimagsik laban sa Diyos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 16). Diretsahan ang paghatol ng mga salita ng Diyos. Totoo nga, kahit pa manatili ako sa tabi ng aking ina at gawin ko ang lahat ng aking makakaya para alagaan siya, kahit pa isipin ng mga makamundong tao na mabuti ako at makilala ako bilang napakabuting anak, sa harap ng Diyos, mawawala pa rin ang silbi at tungkulin ko bilang isang nilikha, hindi ako magkakaroon ni katiting na konsensiya sa Diyos, na nagbigay sa akin ng buhay at lahat ng bagay. Dahil dito, magiging isa ako sa mga pinakamapaghimagsik at lumalaban na mga tao sa Diyos at hindi ako magiging karapat-dapat sa Kanyang pagliligtas. Nang mapagtanto ko ito, nalungkot ako. Napagtanto kong labis akong ginawang tiwali ni Satanas, kumilos ako nang walang konsensiya sa Diyos, wala akong katiting na katapatan at lubos akong walang pagkatao! Napagtanto ko ang iniatas sa ‘kin at ang aking misyon, at tumigil akong mapigilan ng tinatawag na pagiging “masamang anak.” Handa akong magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, gawin ang makakaya ko sa aking tungkulin, at handa akong ipaubaya ang aking ina sa mga kamay ng Diyos, hinihiling na gabayan kami ng Diyos upang maranasan namin ang gawain Niya sa aming mga buhay at matupad namin ang aming mga tungkulin. Salamat sa Diyos sa pagpapahintulot sa akin na piliin ang tama at magkaroon ng tamang hangarin!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply