Bakit Hindi Ko Maisagawa ang Katotohanan?
Ni Ye Di, TsinaNoong lider pa ako, iniulat sa akin ng ilang kapatid na si Yang Li, ang lider ng isang iglesia na responsabilidad ko, ay...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Sulat Para kay Zheng Xin
Dear Zheng Xin,
Sana ay nasa maayos kang kalagayan!
Sa huling sulat mo, nabanggit mo na ang sister na ipinares sa iyo ay walang prinsipyo, mayabang, mapagmagaling, at pabasta-basta. Ginusto mong banggitin ito sa kanya pero natakot kang hindi niya tanggapin, magkaroon siya ng masamang opinyon sa iyo, at hindi kayo makakapagtulungan sa hinaharap. Nagtalo ang kalooban mo at hindi mo alam kung paano lutasin ang kalagayang ito. Naiintindihan ko ang nararamdaman mo. Namumuhay tayo ayon sa mga satanikong pilosopiya, sinusubukang panatilihin ang ating mga relasyon at tumutuon sa kung ano ang tingin sa atin ng iba. Pinipigilan tayo ng mga bagay na ito at nagdudulot sa atin na matakot na isagawa ang katotohanan at sumunod sa mga prinsipyo. Ako mismo ay nasa ganitong kalagayan noon, at sa pagsisiwalat ng salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mga maling pananaw at tiwaling disposisyon. Medyo nagbago na ako ngayon at hindi na ako napipigilan sa pagtukoy ng mga problema ng iba. Ikukuwento ko sa iyo ang karanasan ko. Sana ay makatulong ito sa iyo nang kaunti.
Dati akong gumagawa ng gawain ng iglesia kasama sina Zhou Fang at Liu Ying. Madalas nangingibabaw si Zhou Fang sa mga talakayan sa gawain. Kalaunan, dahil hindi kami nakakakuha ng magagandang resulta sa aming mga tungkulin, isinaayos ng lider na pangunahan ni Sister Zhang Ling ang gawain namin. Nakahanap si Zhang Ling ng mga problema sa gawain namin at nakatukoy ng mga landas ng pagsasagawa. Nang makitang nakikinig kami sa mga ideya niya, nagsimulang mainggit si Zhou Fang. Minsan, sa mga talakayan sa gawain, kahit na malinaw na tama ang mga pananaw ni Zhang Ling, gumagawa ng mga paraan si Zhou Fang para ipawalang-saysay ang mga ito, na lubos na nagpapahirap na makapagpatuloy sa mga talakayan sa gawain. Gusto kong sabihin ito kay Zhou Fang, pero naisip ko na hindi naman maiiwasan ang kaunting alitan sa simula ng pagtutulungan, kaya hindi ko na ito pinagkaabalahan pa. Nagpatuloy si Zhang Ling sa masusing pagsubaybay sa gawain, at maagap na nagbabahagi ng mga solusyon kapag nakakakita siya ng mga problema, na lubos na nagpapabuti sa kahusayan namin. Pero nagsimulang ipahiwatig ni Zhou Fang na sinisikap ni Zhang Ling na pagandahin ang kanyang reputasyon, gusto nito ng mabilis na tagumpay, at gumagawa ito para sa katayuan. Ang mga ipinapahiwatig niya ay mapanghusga, mapanghamak, at naglalayong maghasik ng hidwaan, na nagdulot kay Liu Ying na simulan ding kalabanin si Zhang Ling. Naisip ko na lubhang seryoso ang problema ni Zhou Fang nang makita ko siyang pinoprotektahan ang kanyang katayuan, at hinahamak at itinatakwil si Zhang Ling. Nabubunyag kay Zhou Fang ang isang anticristong disposisyon at tinatahak niya ang landas ng isang anticristo. Ginusto kong maglaan ng sandali para makipagbahaginan sa kanya tungkol sa kalikasan nito, pero hindi talaga ako makapagsalita. Para bang tinahi ang mga labi ko. Ang kalagayan ko noon ay katulad ng kalagayan mo ngayon. Puno ako ng pangamba. Natakot ako na kung hihimayin ko ang problema ni Zhou Fang ukol sa pagtahak sa landas ng isang anticristo, magkakaroon siya ng masamang opinyon sa akin, magiging walang emosyon ang ekspresyon ng kanyang mukha, o itatakwil ako gaya ng ginawa niya kay Zhang Ling. Ayaw kong ipaalam ang mga problema niya at nakahanap ako ng ilang dahilan para aluin ang sarili ko, “Hindi naman sa hindi niya kilala ang sarili niya, dahil alam niya ang pagkahumaling niya sa kabantugan at katayuan noon. Ang pagbabago sa disposisyon ay hindi madali; pinakamainam na huwag siyang madaliin at hayaan siyang pagnilayan ito.”
Pagkatapos nito, sa tuwing naiisip ko kung paanong hindi ko talaga tinutulungan si Zhou Fang o ipinapaalam ang mga problema niya sa kanya, nakokonsensiya talaga ako. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para hindi mapigilan ng aking tiwaling disposisyon at masabi ang totoo. Sa mga sumunod na araw, nakakita ako ng isang video ng patotoong batay sa karanasan kung saan ang karanasan ng bida ay katulad ng kalagayan ko. Ang sister na kasama niya sa kanyang tungkulin ay palaging nakikipagkompitensiya para sa katayuan at mga tagumpay, na nakakaapekto sa gawain ng iglesia, kaya gusto niyang iulat ang problema sa lider. Pero dahil natakot siyang mapasama ang loob ng kanyang kapareha, ipinagpaliban niya ang pag-ulat. Nang lubha siyang pinungusan, ay saka lang siya nagsimulang magnilay-nilay. Pagkatapos ay nabasa niya ang isang sipi ng salita ng Diyos na labis na nakakaantig para sa akin. Sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang mga taong tumatahak sa gitnang daan ay ang mga taong pinakalihim na mapanira sa lahat. Hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman, mabulaklak magsalita at tuso, sa lahat ng sitwasyon ay magaling silang magkunwari na nakikiayon sila, at walang nakakakita ng anumang mga butas. Sila ay mga buhay na Satanas!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng mga Tiwaling Disposisyon). Nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin ang siping ito. Sinabi ng Diyos na ang mga nagkokompromiso ay ang pinakamasama at pinakamapanlinlang at sila ay mga buhay na mga Satanas. Hindi ba’t ganoon ang kalagayan ko? Alam kong lubhang seryoso ang problema ni Zhou Fang at nakakagambala na sa gawain ng iglesia, at na kailangan siyang mapaalalahanan kaagad, pero natakot akong mapasama ang loob niya, kaya wala akong sinabi at hindi ko prinotektahan ang gawain ng iglesia. Nagkokompromiso ako tulad ng inilarawan ng Diyos at isa akong taong kinasusuklaman ng Diyos. Mahirap para sa akin na tanggapin ito, kaya’t nagpasya ako na hindi na maging isang mapanlinlang na mapagpalugod ng tao. Kailangan kong itaguyod ang mga prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia, at alam kong kailangan kong humanap ng oras para ipaalam kay Zhou Fang ang problema niya. Pero noong araw ding iyon, nagulat ako nang unang tinukoy ni Zhou Fang ang mga problema ko. Sinabi niyang naghahanap ako ng kabantugan at katayuan sa tungkulin ko at na ginagamit ko ang katayuan ko para pagalitan ang mga tao. Nakita kong napakabigat ng sarili kong mga problema kaya nawalan ako ng lakas ng loob na tukuyin pa ang mga isyu niya, minadali ko na lang ang balak kong sabihin, at wala akong sinabi tungkol sa kanyang paghahangad ng katanyagan at katayuan o pagtahak sa landas ng anticristo. Naalala ko noon na hiniling niya sa akin na sabihin ko sa kanya kapag nakita kong may anumang problema sa kanya, para makilala niya ang mga ito at magbago. Nagsinungaling ako nang sinabi ko sa kanya na walang problema. Sa totoo lang, marami akong gustong sabihin pero hindi ako nangahas na sabihin ito, dahil nag-alala ako na baka isipin niyang sinusubukan kong gantihan siya, at na magiging mahirap na makipagtulungan kung masama ang tingin niya sa akin. Kaya, para hindi siya mapahiya, wala akong sinabi. Napuno ako ng panunumbat sa sarili at pagkondena pagkatapos nito. Pakiramdam ko ay napakaduwag ko. Hindi ko man lang kayang magsabi ng ilang matatapat na salita, lalong hindi ko naisasagawa ang katotohanan. Ilang panahon akong hindi makakain o makatulog nang maayos at hindi ko mapakalma ang sarili ko sa mga pagtitipon. Nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos! Malinaw kong nakikita ang mga problema ng sister ko pero hindi ako makapagsalita sa sobra kong takot na mapasama ang loob niya! Napakaduwag ko at napakamakasarili! Ayaw kong magpatuloy nang ganito. Pakiusap, gabayan Mo ako na maghimagsik laban sa sarili ko at maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan.”
Pagkatapos nito, nabasa ko pa ang ilan sa mga salita ng Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, may mga bagay silang itinatago mula sa isa’t isa, at nagpapakana sila laban sa isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan ng madalas na paglalagay ng sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong batayang ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang hayagan ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para manuyo sa iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para mamuhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan kinukuha ng bawat tao ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong taktika at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at pamilyar mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang talagang malulutas ng ganitong uri ng pagtuturo? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba rito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong natutugunan ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos na ang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay isang tusong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na itinanim ni Satanas sa mga tao. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa ganitong uri ng pilosopiya, ginagamit at niloloko nila ang isa’t isa at nagiging mapagbantay laban sa isa’t isa. Hindi sila naglalakas-loob na magtapat o magsabi ng totoo sa sinuman. Lalo lang silang nagiging tuso at mapanlinlang. Namumuhay ako sa pilosopiyang ito na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” sa aking mga pakikitungo. Malinaw kong nakita na naiinggit si Zhou Fang kay Zhang Ling, na sa mga salita niya, hinahamak at itinatakwil niya ito, na malubha ang kalikasan ng problemang ito, na nakakagambala ito sa gawain namin, at na kailangan itong ipaalam kay Zhou Fang, pero naramdaman ko na sa paggawa nito, malalantad ko ang mga pagkukulang niya at mapapahiya siya. Nag-alala rin ako na sasama ang tingin niya sa akin at hindi na siya makikipagtulungan nang maayos sa akin pagkatapos. Kaya, para mapanatili ang relasyon namin, wala akong sinabi, kontento na sa bahagyang pagbanggit sa isyu. Hindi ako gumamit ng salita ng Diyos para tukuyin ang kalikasan at kahihinatnan ng kanyang mga kilos. Nang tanungin niya ako kung may nakita akong ibang katiwalian sa kanya, alam na alam ko na hindi ko pa lubusang tinukoy ang mga isyu niya, pero nagsinungaling lang ako at sinabing wala na. Harap-harapan ang mga kasinungalingang sinasabi ko, niloloko at nililinlang siya! Nakita kong hinahamak at itinatakwil ni Zhou Fang si Zhang Ling, pero umakto lang ako bilang tagapagbigay-lugod sa mga tao at walang sinabi. Hindi ko talaga isinasagawa ang katotohanan o pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Masyado akong tuso at mapanlinlang! Hinihiling ng Diyos na maging matapat tayo at pakitunguhan ang isa’t isa nang may katapatan, at kung nakikita nating namumuhay ang iba sa tiwaling disposisyon at tumatahak sa maling landas, o lumalabag sa mga prinsipyo, dapat tayong mapagmahal na mag-alok ng tulong at makipagbahaginan. Pero namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya. Nang may nakita akong naglalakad sa maling landas, hindi ko ito sinabi sa kanya at hindi ko siya tinulungan. Wala akong pagmamahal. Hindi ko kailanman inilantad ang mga problema ng iba at natakot akong magsalita nang matapat at magdulot ng problema sa sarili ko. Wala akong sinabi nang makita ko ang problema ng iba para protektahan ang sarili kong mga interes at hindi magkaroon ng mga kaaway. Gumamit lang ako ng mga papuri at matatamis na pambobola. Bagama’t mukhang nakakasundo ko ang mga tao, sa mga pakikisalamuha ko, mapagbantay ako, at nililinlang at ginagamit ko lang sila. Paanong normal na mga relasyon ang mga ito? Paanong tunay na pagkakaibigan ito? Wala man lang akong sinseridad. Akala ko noon na ang “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay isang matalinong ideya na dapat sundin para umasal, na mapoprotektahan ko ang sarili ko, at hindi mapapasama ang loob ng sinuman o magkakaroon ng mga kaaway. Pero ipinakita sa akin ng paghahayag ng salita ng Diyos na ang mga pananaw na gaya ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” ay mga satanikong paraan ng pakikisalamuha sa mundo at ginagawa nitong tiwali ang mga tao. Hinihikayat tayo nitong protektahan ang ating sarili, at ginagawa tayong higit na makasarili at mapanlinlang. Dahil dito, nanonood lang tayo nang hindi nagbabahagi o tinutukoy ito habang tinatahak ng iba ang maling landas at naaapektuhan ang gawain. Ganap akong walang pagmamahal at pagkatao!
Nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos kalaunan: “Anuman ang konteksto, hangga’t ikaw ay nagagapos, kinokontrol, at pinangingibabawan ng mga tiwaling disposisyon ni Satanas, lahat ng bagay na iyong isinasabuhay, ibinubunyag, at ipinapakita—maging ang mga ito man ay ang iyong mga emosyon, iyong mga pag-iisip at pananaw, o iyong mga paraan at pamamaraan ng paggawa ng mga bagay—ay pawang kay Satanas, salungat sa katotohanan, at mapanlaban sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Habang lalo mong inilalayo ang iyong sarili mula sa salita ng Diyos at sa katotohanan, at habang lalo mong ipinagkakanulo ang katotohanan, lalo nitong pinatutunayan na ikaw ay malubhang nagagapos at kinokontrol ng iyong mga tiwaling disposisyon. … Sa isang banda, ang mga tao ay kontrolado ng mga tiwaling disposisyon at namumuhay sa lambat ni Satanas, at ginagamit nila ang mga kaisipan at pananaw, at iba’t ibang paraan at gawi na itinanim sa kanila ni Satanas para lutasin ang lahat ng isyung nangyayari sa paligid nila. Sa kabilang banda, gusto pa rin ng mga tao na makatanggap ng kapayapaan at kagalakan mula sa Diyos. Gayumpaman, dahil palagi silang iginagapos ng tiwaling disposisyon ni Satanas at nakakulong sa lambat nito, na hindi magawang kusang lumaban upang maghimagsik laban dito at makalabas dito, at dahil napapalayo sila sa salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo, hindi kailanman nakakamit ng mga tao ang kaginhawahan, kasiyahan, kapayapaan, at kaligayahang nagmumula sa Diyos. Sa anong kalagayan namumuhay ang mga tao, sa huli? Hindi nila kayang hangarin ang katotohanan, bagama’t nais nila, at hindi nila kayang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kahit na gusto nilang gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila makaalis sa kinaroroonan nila. Isa itong matinding pagdurusa. Nabubuhay ang mga tao sa tiwaling disposisyon ni Satanas, kahit hindi nila gusto. Hindi sila kamukha ng mga tao ni ng mga demonyo, madalas na naninirahan sa madidilim na sulok, naghahanap ng mga kahiya-hiya at masasamang pamamaraan para lutasin ang maraming paghihirap na kinakaharap nila. Ang katunayan ay na sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, handa ang mga tao na maging mabuti at mithiin ang liwanag. Umaasa sila na mamuhay bilang mga tao, nang may dignidad. Umaasa rin sila na magagawa nilang hangarin ang katotohanan at umasa sa salita ng Diyos para mabuhay, at gawing buhay at realidad nila ang salita ng Diyos, subalit hindi nila kailanman kayang isagawa ang katotohanan, at sa kabila ng maraming doktrina na kanilang nauunawaan, hindi nila malutas ang kanilang mga problema. Ang mga tao ay nagdurusa sa loob ng suliraning ito, hindi makasulong at hindi makaatras; naipit sila rito. Nagdudulot ito sa kanila ng matinding pasakit—napakalaki ng paghihirap. Gusto ng mga tao na mithiin ang liwanag, at ayaw nilang iwanan ang salita ng Diyos at ang tamang landas. Gayumpaman, hindi nila tinatanggap ang katotohanan, at hindi nila kayang isagawa ang mga salita ng Diyos, at nananatili silang hindi makawala sa gapos at kontrol ng kanilang tiwaling satanikong disposisyon. Sa huli, maaari lamang silang mamuhay sa paghihirap, nang walang anumang tunay na kaligayahan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko na ang hindi ko paglalakas ng loob na magsalita kapag nakikita ang problema ng iba ay dahil itinuring ko ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan” bilang mga positibong bagay. Akala ko ay pagkakaroon ito ng pagmamahal at mapoprotektahan ko ang sarili ko at hindi ako masasaktan. Naalala ko noong maliit ako, tinuruan ako ng lola ko na huwag tukuyin ang mga problema ng iba kapag sinusubukan kong makisama, o kung hindi, bibigyan ko lang ng problema ang sarili ko at hindi ako makakakuha ng katayuan sa lipunan. Akala ko ay may katuturan ang sinabi niya, kaya naging atubili ako sa pagtukoy ng mga pagkakamali ng iba at hindi ko kailanman inilantad ang mga problema nila. Nakakasundo ko nang maayos ang mga kaibigan ko at inakala ko talaga na ito ang sikreto sa pakikipag-ugnayan sa iba. Pakiramdam ko ay kahanga-hangang paraan ito ng pamumuhay at na ginawa ako nitong mabait na tao, at na kung hindi ako kakapit sa mga prinsipyong ito, hindi ako magiging isang mabuting tao. Umaasa ako sa mga satanikong pilosopiyang ito sa mga pakikisalamuha ko sa ibang miyembro. Nakita kong lumalabag ang iba sa mga prinsipyo at tumatahak sa maling landas at alam na alam ko na kailangan kong tukuyin ito sa kanila at tulungan sila, pero napigilan ako ng mga satanikong pilosopiyang ito at hindi naglakas-loob na tukuyin ito sa iba. Ang mga pilosopiya ni Satanas ay parang lambat na nakagapos sa akin nang mahigpit, pinipigilan akong gumalaw, at lubusang kinokontrol ang puso ko. Hindi gaanong magaganda ang resulta sa gawain namin, kaya’t isinaayos ng iglesia na pangunahan kami ni Zhang Ling. Kapaki-pakinabang ito sa gawain ng iglesia. Pero bukod sa hindi nakipagtulungan nang maayos si Zhou Fang kay Zhang Ling, inakusahan din niya ito ng paghahangad ng kabantugan, katayuan at mabilis na tagumpay nang makita niyang may pagpapahalaga ito sa pasanin sa gawain, pumapasan ito ng responsabilidad at nagiging masipag at epektibo sa tungkulin nito. Hinamak niya ito, itinakwil, at inatake ang pagiging positibo nito. Hinusgahan din niya si Zhang Ling sa harap namin ni Liu Ying, sinisikap na isama rin kami sa pagtatakwil kay Zhang Ling. Itinakwil at inatake ni Zhou Fang si Zhang Ling para sa sarili niyang katayuan. Hindi ito isang pagbubunyag ng karaniwang katiwalian. Isa itong anticristong disposisyon. Dapat ay ginampanan ko ang responsabilidad ko bilang kapareha niya at ipinaalam ito sa kanya, pero hindi man lang ako kumilos na parang kapareha niya, naging dahilan para maapektuhan ang gawain namin. Labis akong nakonsensiya at kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging masyadong makasarili at iresponsable. Kahit na hindi ko tinukoy ang mga problema ni Zhou Fang—at bilang resulta, hindi siya nagkaroon ng mga pagkiling laban sa akin at napanatili ang relasyon namin—alam ko na sa pamamagitan ng hindi pagsasagawa sa katotohanan na nauunawaan ko ay sinasalungat ko ang Diyos at kasuklam-suklam ako sa Kanya.
Nagpatuloy akong maghanap. Bakit hindi ko kayang ilantad ang mga problema ng iba kapag nakikita ko ang mga ito? Nabasa ko ang siping ito sa salita ng Diyos: “Ang salita bang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay mabuti o masama? Ang salita bang ‘punahin’ ay may dalang kahulugan ng pagkakabunyag o pagkakalantad ng mga tao gaya ng sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang ‘punahin’ batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ito ay medyo may kalikasan ng mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ilantad ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at magsalita nang malinaw tungkol sa mga isyung kinakaharap nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang pagtukoy mo rito, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, ‘Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.’ Kapag sinabi niyang ‘Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging angkop; kaya ko itong tanggapin,’ ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ibahagi sa kanya ang tungkol sa kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba’t iyan ay pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag ‘punahin ang mga pagkukulang ng iba,’ gaya ng sabi ng kasabihang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga pinakapinagbabawal nilang problema, na huwag ilantad ang diwa ng kanilang problema, at na huwag masyadong maging lantaran sa pagpuna. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang mabababaw na komento, sabihin ang mga bagay na karaniwang sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na napagtatanto ng tao mismo, at huwag maglantad ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Anong magiging pakinabang nito sa tao kung kikilos ka nang ganito? Marahil ay hindi mo siya nainsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanya. Kaya, ang mismong pariralang ‘huwag mong punahin ang mga pagkukulang ng iba’ ay tuso, isang uri ng panlalansi, at hindi pagiging sinsero. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang intensiyon; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga walang pananampalataya ang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na moralidad. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan. Ang mismong hindi pagpuna sa mga pagkukulang ng iba ay kawalan ng sinseridad, at marahil ay may lihim na intensyon sa pagpuna sa mga pagkukulang ng iba” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Katulad mo rin ako noon. Pakiramdam ko, ang pagtukoy sa mga problema sa mga tungkulin ng iba ay naglalantad sa kanilang mga pagkukulang at na nakakasakit ito sa kanila. Pakiramdam ko ay magkakaroon ako ng mga kaaway sa paggawa nito at maaapektuhan ang mga relasyon namin. Nakikita ko na ngayon na mali ang pananaw na ito at na hindi ko tiningnan ang mga bagay-bagay ayon sa salita ng Diyos. Hinihingi ng Diyos na maging matapat tayo, pakitunguhan ang isa’t isa nang may katapatan, at magawang tulungan ang isa’t isa habang nakikisalamuha sa mga kapatid. Kapag nakikita nating lumalabag ang iba sa mga prinsipyo batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, o tumatahak sa maling landas, dapat nating tukuyin ang mga problema nila alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ginagabayan sila sa pagkilala sa kanilang sarili. Bagama’t hindi magandang pakinggan ang mga salitang sinasabi kapag nagpupungos ng iba, ginagawa ito para tulungan silang makilala ang kanilang sarili. Ito ay tunay na pagmamahal at pagtulong. Ito ay pagprotekta sa gawain ng iglesia. Ang tinatawag na “pagpuna sa mga pagkukulang nila” ay hindi talaga nagbibigay ng taos-pusong tulong; sa halip, puno ito ng mga personal na motibasyon at pagkiling, umaasa sa isang tiwaling disposisyon para ilantad ang mga pagkukulang at kasamaan, nang-aatake, nanghuhusga, at nanghahamak para saktan at ipahiya ang iba. Hindi ito nagbibigay sa isang tao ng anumang landas. Nagdudulot lang ito ng pasakit at pagkanegatibo. Nakita kong naghahangad si Zhou Fang ng kabantugan at katayuan, at nasa landas siya ng isang anticristo, na nakaapekto sa gawain ng iglesia. Kung nakipagbahaginan ako at tinukoy ito, makakatulong ito para magnilay siya at maunawaan niya ang kanyang sarili. Mapoprotektahan nito ang gawain ng iglesia habang tinutulungan siya. Sa pagkatantong ito, medyo sumigla at gumaan ang pakiramdam ko at hindi na ako napipigilan ng mga nakalilinlang na pananaw.
Pagkatapos nito, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos na nagbibigay-linaw sa mga prinsipyo kung paano pakitunguhan ang ibang kapatid. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, ano ang prinsipyo sa pagtrato sa mga tao? Dapat mong tratuhin ang lahat ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at tratuhin nang patas ang bawat kapatid. Paano mo sila dapat tratuhin nang patas? Dapat itong ibatay sa mga salita ng Diyos, sa kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos, at kung anong uri ng mga tao ang itinitiwalag Niya, sa kung anong uri ng mga tao ang gusto Niya, at kung anong uri ng mga tao ang kinamumuhian Niya. Ito ang katotohanang prinsipyo. Dapat mong tulungan ang mga kapatid nang may pagmamahal, at lahat ay dapat magpakita ng pagpaparaya at pagpapasensiya sa isa’t isa. Dapat kang magkaroon ng pagkilatis sa masasamang tao at mga hindi mananampalataya, magtakda ng malilinaw na hangganan, at lumayo sa kanila. Ito ang ibig sabihin ng pagtrato sa mga tao nang may mga prinsipyo. Ang bawat kapatid ay may mga kalakasan at pagkukulang, at lahat ay may mga tiwaling disposisyon, kaya kapag nakikisalamuha sa isa’t isa, dapat lahat kayo ay tulungan ang isa’t isa nang may pagmamahal, maging mapagparaya at mapagpasensiya, iwasan ang pagiging masyadong malupit, at huwag maging makitid ang isip. … Kailangan mong tingnan kung paano tinatrato ng Diyos ang mga taong mangmang at hangal, kung paano Niya tinatrato ang mga mababa ang tayog, kung paano Niya tinatrato ang mga may normal na mga pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon, at kung paano Niya tinatrato yaong mga mapaminsala. Pinakikitunguhan ng Diyos ang iba’t ibang tao ayon sa iba-ibang paraan, at mayroon din Siyang sari-saring pamamaraan ng pangangasiwa sa iba’t ibang kalagayan ng iba’t ibang tao. Dapat mong maunawaan ang katotohanan. Kapag naunawaan mo na ang mga katotohanang ito, malalaman mo na sa gayon kung paano danasin ang mga bagay-bagay at tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Makamit ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao ng mga Aral Mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Kanyang Paligid). Mula sa salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga prinsipyo sa pagtulong sa mga kapatid. Dahil sa katiwalian ni Satanas, lahat tayo ay maraming tiwaling disposisyon. Tungkol sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, kung hindi naaapektuhan ang gawain, o kung masyadong kulang sa tayog ang isang tao, hindi natin puwedeng basta-bastang sunggaban ang mga katiwalian o mga pagkukulang ng isang tao para ilantad at himayin ang mga bagay na ito para saktan siya. Ang ganitong uri ng sitwasyon ay kinakailangang umasa sa pagmamahal para positibong makapagbahagi at makatulong sa kanila. Pero para sa mga tumatahak sa landas ng mga anticristo o may malulubhang tiwaling disposisyon, nakakagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia, kung ang positibong pagbabahagi ay walang mga resulta, dapat silang tabasan, at ilantad at suriin ang kanilang pag-uugali, para malaman nila ang kalikasan ng kanilang problema at tunay na magsisi. Kung hindi sila malalantad o mahihimay, hindi nila mapagninilayan o mauunawaan ang kanilang problema at patuloy nilang gagambalain at guguluhin ang gawain ng iglesia. Dapat tulungan ang mga tao ayon sa kanilang diwa, tayog, at natatanging pinagmulan. Hindi natin dapat laging ilantad at suriin kaagad ang mga problema ng mga tao, hindi rin natin dapat laging piliin ang pagpaparaya at pasensiya. Ang ilang bagay ay hindi nakakaapekto sa gawain at nangangailangan ng pagpaparaya at pasensiya, pero nagdudulot nga ng mga pagkagambala at panggugulo sa gawain ang ilang bagay, at sa ganitong mga kaso, dapat malantad at mapungusan ang mga tao gamit ang mga partikular na hakbang na angkop sa tayog nila. Dahil dito, malalaman ng mga kapatid ang kanilang katiwalian at magagawang magsisi, magbago, at kumilos ayon sa mga prinsipyo. Ang ganitong uri ng pagbabahagi ay nakakatulong sa mga tao habang nakakabuti naman sa gawain ng iglesia. Sa mga pagkatantong ito, mas sumigla ang puso ko, at sumulat ako kay Zhou Fang, inilalantad ang kanyang mga problema. Kalaunan ay tumugon siya sa liham ko, sinasabing, “Salamat sa paglalantad at pagpupungos sa akin. Hindi ko inaasahang magiging ganito kabigat ang mga problema ko. Akala ko noon pa man na kaunting katiwalian lang ang nalalantad sa akin at na ayos lang ito hangga’t nagninilay-nilay ako at nakakahanap ng ilang salita ng Diyos para basahin. Wala akong kamalay-malay na nasa landas ako ng isang anticristo at mayroong mga problema sa pagkatao ko. Nakikita ko sa pagbabahagi at pagsusuri mo na taos-puso mo akong gustong tulungan. Handa akong tanggapin ito, at pagnilayan at kilalanin ang sarili ko.” Talagang naantig ako nang mabasa ang mga salitang ito. Naramdaman ko na parehong nakakabuti sa akin at sa iba ang pagsasagawa ng salita ng Diyos, at naging magaan at matiwasay ang puso ko.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, nakikita ko na sa dati kong pagtitiwala sa mga ideya tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” pinipinsala ako ni Satanas, at namumuhay ako sa isang makasarili, kasuklam-suklam, at mapanlinlang na buhay. Malinaw kong nakikita ngayon na tanging ang salita ng Diyos ang katotohanan at sa pamamagitan lang ng pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos nang ayon sa mga salita ng Diyos ay maipapamuhay natin ang isang wangis ng tao.
Medyo mababaw ang karanasan ko, kaya kung mayroon kang anumang karagdagang kabatiran, maaari kang sumulat sa akin.
Matapat na sumasaiyo,
Chenxi
Setyembre 10, 2022
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Ye Di, TsinaNoong lider pa ako, iniulat sa akin ng ilang kapatid na si Yang Li, ang lider ng isang iglesia na responsabilidad ko, ay...
Ni Xunqiu, Netherlands Noong Mayo ng nakaraang taon, itinalaga akong mamahala sa pagdidilig ng mga baguhan. Inakala ko noon na medyo madali...
Ni Xu Hui, TsinaDati, may kapitbahay ako na napakadirekta kung magsalita. Sa tuwing napapansin niyang may maling ginagawa ang isang tao,...
Ni Ziyan, TsinaNoong 2023, ipinareha ako kay Ye Xun para gawin ang mga tungkuling nakabatay sa teksto. Mas mahusay kaysa sa akin ang...