Ang Kapaitan ng Pagiging Taong Mapagpalugod ng Iba

Pebrero 24, 2024

Ni Frankie, Greece

Noong nakaraang taon, si Brother Gabriel, na kasama kong naglalakbay para mangaral ng ebanghelyo, ay natanggal. Nang tanungin ko siya tungkol doon, sinabi niya sa akin na sa nakalipas na ilang taon, hindi naging mahusay ang paggawa niya sa tungkulin niya; ginawa niya ang mga bagay-bagay sa sarili niyang paraan at naging matigas ang ulo niya, na matinding nakagambala sa gawain ng iglesia, kaya siya natanggal. Naawa ako dahil umabot siya sa puntong ito, at dahil nakita ko siyang punung-puno ng pagsisisi at labis na nasasaktan. Sa pagbabalik-tanaw sa gawain namin nang magkasama, napansin ko na iniraraos niya lang ang kanyang gawain at ginagawa niya ang mga bagay-bagay sa sarili niyang paraan. Gusto ko iyong ipaalam sa kanya, para matulungan siyang magnilay at magkaroon ng kamalayan sa sarili, pero nag-alangan ako nang magsasalita na ako. Naisip ko, “Tiyak na inilantad at iwinasto na siya nang labis ng lider noong tinatanggal siya, kaya malamang ay miserableng-miserable na siya. Kung magsasalita rin ako, hindi ba’t lalo lang niyong palalalain ang sitwasyon? Hindi ba niya iisiping wala akong simpatiya? Isa pa, malamang ay nabanggit na ng lider ang mga problemang napansin ko, kaya aaluin ko na lang siya.” Kaya sabi ko sa kanya, “Sigurado akong marami ka nang naging karanasan sa lahat ng taong ito ng paglalakbay na nagbabahagi ng ebanghelyo, o marami ka nang kabatiran man lang. Marami sa mga kapatid sa iglesia rito ay mga bagong mananampalataya na sumapi noong nakaraang ilang taon; wala silang gaanong karanasan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Matutulungan mo ang lahat kapag nakauwi ka na.” Sa gulat ko, tumugon siya ng, “Brother, nakasasama ng loob na marinig kang sabihin iyan. Akala ko ay sasabihin mo kung ano ang aking mga problema at tutulungan ako para mapagnilayan ko ang aking sarili at magkaroon ako ng higit na kamalayan sa sarili; naging kapaki-pakinabang sana iyon sa buhay ko. Pero sa halip, pinupuri mo ako kahit na bumagsak na ako sa antas na ito, ipinapaisip sa akin na hindi malaking bagay ang matanggal ako at na mas may kakayahan ako kaysa sa iba. Nagiging mapagpalugod ka ng mga tao, kumikilos ka bilang kampon ni Satanas, itinutulak mo ako palapit sa impiyerno! Ang mga salitang ito na masarap pakinggan ay hindi nagbibigay-liwanag sa mga tao, kaya huwag mo nang sabihin ang mga ito. Hindi ito pagmamahal, ang totoo ay mapanganib at nakasisira ito.” Talagang nahiya ako nang marinig kong sabihin ito ng brother, at gusto kong kainin na lang ako ng lupa. Alam na alam kong hindi pa nagkakaroon ng malaking pagbabago sa tiwaling disposisyon ni Gabriel kahit ilang taon na siyang nananampalataya, at na kahit kailan ay hindi siya nagkaroon ng anumang kitang-kitang mga resulta sa kanyang tungkulin, at na isa itong mapanganib na kalagayan. Hindi ko lamang hindi tinutukoy ang kanyang mga problema at tinutulungan siya, nagsasabi lang ako ng mabubuting bagay. Ako ay di-tapat, magalang, at mahilig magbigay ng papuri sa isang sekular na paraan. Hindi ba’t iyon ay pakikipaglaro lang sa kanya at pagiging mapanlinlang? Ang kasalukuyang pagkakatanggal ni Gabriel ay isang magandang pagkakataon para pagnilayan at mas kilalanin niya ang kanyang sarili. Kung magagawa niyang hanapin ang katotohanan, pagnilayan ang kanyang sarili, at tunay na makapagsisi, ang pagkabigong ito ay maaaring maging isang napakahalagang sandali sa kanyang pananampalataya. Pero isa akong hadlang, nagsasabi ng ilang hindi sinserong kalokohan para paglaruan, gambalain, at iligaw siya. Kumikilos ako bilang isang kampon ni Satanas. Ginagawa ng Diyos ang makakaya Niya para iligtas ang mga tao, samantalang nagpaplano at nagpapakana si Satanas para gambalain at hadlangan ang mga tao, at kaladkarin sila pababa sa impiyerno. Ang kalokohan kong iyon ay nakapipinsala lang sa brother ko. Nakadama ako ng matinding takot nang maisip ko iyon, kaya’t naghanap ako ng ilang salita ng Diyos para basahin, at sa mga salita ng Diyos, nagsimula kong pagnilayan at kilalanin ang problema kong ito.

Nakita ko na sinasabi ng salita ng Diyos: “Kung may maayos kang kaugnayan sa isang kapatid, at pinakiusapan ka niyang tukuyin mo kung ano ang mali sa kanya, paano mo ito dapat gawin? May kaugnayan ito sa kung anong pamamaraan ang gagamitin mo sa bagay na ito. Ang pamamaraan mo ba ay nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo, o gumagamit ka ba ng mga pilosopiya sa pagharap sa mundo? Kung malinaw mong nakikita na may problema sila, ngunit hindi mo sinasabi nang tahasan upang hindi masira ang inyong relasyon, at nagdadahilan ka pa nga, sinasabing, ‘Mababa ang tayog ko ngayon at hindi ko lubos na nauunawaan ang mga problema mo. Kapag nauunawaan ko na, sasabihin ko sa iyo,’ ano kung gayon ang isyu? May kinalaman ito sa isang pilosopiya ng pagharap sa mundo. Hindi ba ito pagtatangkang lokohin ang iba? Dapat kang magsalita ayon sa nakikita mo nang malinaw; at kung hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mo. Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo. Kung mayroon kang ilang ideya at ilang bagay na malinaw sa iyo, ngunit natatakot kang mapasama ang loob nila, natatakot na masaktan ang kanilang damdamin, kaya pinipili mong manahimik, kung gayon, ito ay pamumuhay ayon sa pilosopiya ng pagharap sa mundo. Kung matuklasan mo na may problema o naligaw ng landas ang isang tao, kahit hindi mo siya matulungan nang may pagmamahal, kahit paano ay dapat mong ipaalam ang problema para mapagnilayan niya iyon. Kung hindi mo iyon papansinin, hindi ba ito nakakasama sa kanya?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanilang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). At nariyan ang siping ito tungkol sa mga tusong tao: “Wala silang pagmamahal para sa mga positibong bagay, hindi nila pinananabikan ang liwanag, at hindi nila minamahal ang daan ng Diyos o ang katotohanan. Gusto nilang sinusunod ang mga makamundong kalakaran, nahuhumaling sila sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, gustong-gusto nilang namumukod-tangi sila sa mga tao, sinasamba nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, dinadakila nila ang mga mahusay at sikat, pero ang totoo, mga demonyo at si Satanas ang dinadakila nila. Sa kanilang puso, hindi ang katotohanan ang hinahangad nila, o ang mga positibong bagay; sa halip, mataas ang pagpapahalaga nila sa kaalaman. … Ginagamit nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang lohika nito, ginagamit nila ang bawat pakana nito, bawat panlalansi, sa bawat sitwasyon, upang makuha ang tiwala ng mga tao, at himukin ang mga tao na sambahin at sundin sila. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga taong nananalig sa Diyos; hindi lamang sa hindi maliligtas ang gayong mga tao, haharapin din nila ang pagpaparusa ng Diyos—wala itong kaduda-duda(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon). Ganap na inilantad ng mga salita ng Diyos ang katotohanan ng aking intensyon at katiwalian. Malinaw sa akin ang mga problema ni Gabriel, naging pabaya siya sa kanyang tungkulin at hindi niya ito isinapuso. Hindi siya matiyaga o maprinsipyo sa kanyang gawain. Ginawa niya ang anumang naisin niya, at nagambala niya ang gawain ng iglesia. Naging isa akong mapagpasaya ng tao at natakot akong mapasama ang kanyang loob, kaya kahit kailan ay hindi ko ipinaalam ang mga bagay na ito. Ngayong natanggal na siya at nagtatapat sa akin sa pagbabahaginan tungkol sa kanyang mga pagkabigo, dapat ay tinalakay ko na ang kanyang mga problema at nagbahagi ako tungkol sa kalooban ng Diyos para matulungan siyang makilala ang kanyang sarili at magsisi sa Diyos. Iyon ay magiging totoong mapagmahal, kapaki-pakinabang, at nagbibigay-liwanag para sa kanya. Pero isa akong mapagpasaya ng tao, nagsasabi ng ilang kalokohan. Hindi ba’t sinusubukan ko lang siyang lokohin para magustuhan niya ako? Gusto kong maramdaman niya na nang dumanas siya ng pagkabigo, ang lider ang nagwasto at naglantad sa kanya, pero ako ang nagbigay-init sa puso niya at umalo sa kanya. Tapos ay magpapasalamat siya at magkakaroon ng magandang pagtingin sa akin. Ginagamit ko ang mga sekular na pilosopiya ng mga hindi mananampalataya kapag nakikipag-ugnayan sa aking brother, tulad ng “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at iba pa. Ang lahat ng ito ay masasama at makamundong salita para isabuhay, at mga lubos na satanikong pilosopiya. Palaging itinataguyod ng mga pakikipag-ugnayan ng mga hindi mananampalataya ang paraan ni Satanas sa mundo, at palaging mapang-akit at mapagpaimbabaw ang kanilang mga salita. Sila ay nagkukunwari, nakikiramdam sa iba, nanlilinlang sa lahat ng kanilang sinasabi, at hindi nagsasabi ni isang salita na tunay at tapat. Isa akong matagal nang mananampalataya na nakakain at nakainom na ng napakaraming salita ng Diyos, pero wala pa rin akong masabi ni isang bagay na totoo. Sa halip, gumamit ako ng mga satanikong pilosopiya tulad lang ng isang hindi mananampalataya, at naging kasangkapan ako ni Satanas, lalo’t lalo akong nagiging mapandaya at mapanlinlang. Kaawa-awa talaga ako! Naalala ko roon ang mga salita ng Diyos: “Kung kaswal lang at walang pagpipigil ang pananalita at pag-uugali ng mga mananampalataya na tulad ng mga hindi mananampalataya, mas masama pa sila kaysa mga hindi mananampalataya; sila ay napakatipikal na mga demonyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan). “Kapag mas nasa presensya ka ng Diyos, mas marami kang mararanasan. Kung nabubuhay ka pa rin sa mundo na parang hayop—nagpapahayag ng paniniwala sa Diyos ang iyong bibig ngunit nakatuon sa iba ang iyong puso—at pinag-aaralan mo pa rin ang mga makamundong pilosopiya sa pamumuhay, hindi ba mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng dati mong pinagpaguran?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Karanasan). Sa pag-alala sa mga taon ko ng pananampalataya, hindi ko nakamit ang katotohanan o naging isang simple at matapat na tao, bagkus ay kumapit pa rin ako sa mga sekular na paraan ng pamumuhay. Hindi ako isang taong nagmamahal o tumatanggap sa katotohanan. Lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Diyos ko, napakatuso ko! Gusto kong magsisi at itigil na ang pamumuhay ayon sa mga sataniko at makamundong pilosopiya.”

Pagkatapos ng karanasan at aral na iyon, nagawa kong maging mas mapagmatyag kapag nakikisalamuha sa iba, at isinagawa kong magsalita sa mga paraang pakikinabangan ng mga tao, sa halip na umiwas sa mga isyu para maging mapagpasaya ng mga tao. Pero dahil masyado na akong malalim na nagawang tiwali ni Satanas, nang nasangkot ang mga personal kong interes, hindi ko napigilang maging mapagpasaya na naman ng mga tao.

Kasama kong nagtatrabaho si Brother Hudson sa paggawa ng video noong panahong iyon. Medyo matitindi ang mga opinyon niya at higit na mas magaling siya sa trabaho kaysa sa akin. Pakiramdam ko ay dapat akong maging mababang-loob para hindi niya isipin na isa akong mapagmataas na walang-alam. Kaya sa panahon ng mga tungkulin namin, tuwing nagkakaiba ang mga pananaw namin, sinusubukan kong sundin ang “Ang pagkakasundo ay yaman, ang pagtitimpi ay karunungan” para maiwasang masira ang samahan namin at upang makasundo ko siya. Minsan ay nakakakita ako ng ilang pagkakamali sa mga video na ginawa niya at iminumungkahi kong ayusin ang mga iyon, pero sa palagay niya ay hindi mga problema ang mga binabanggit ko. Nagbibigay lang siya ng ilang palusot o personal na opinyon. Kahit na hindi ako lubusang sumasang-ayon sa kanya, nangangamba ako na mauuwi ang higit pang pag-uusap sa hindi pagkakasundo o magsisimula ng pagtatalo, at na tatawagin ako ng lahat na mayabang, mapagmagaling, at matigas ang ulo, kaya hinahayaan ko na lang. Magkasama kaming nagtrabaho sa ganoong paraan sa loob ng ilang buwan, pero paglabas ng mga video namin, palaging may mga problema kung saan-saan, at karamihan ng mga problema ay iyong mga problema na binanggit ko noong umpisa. Bilang resulta, kailangan naming ulitin ang mga video. Sa huli ay natanggal si Hudson dahil sa pagiging mapagmataas, mapagmagaling, at matigas ang ulo. Kahit na sa huli ay natapos ang mga video na iyon, hindi ako napanatag o napayapa roon. Sa halip, balisa at nakokonsensya ako. Palagi akong naging mapagpasaya ng tao sa aking tungkulin, nagpapanatili ng mababaw na pagkakasundo, takot na mapasama ang loob ng iba, at hindi ko itinaguyod ang mga prinsipyo. Hindi ko talaga natupad ang tungkulin ko bilang isang kapareha at hinahadlangan ko ang paggawa ng video. Ambigat talaga sa dibdib noon. Tapos ay dumating ang lider para kausapin ako at inilantad niya ako, sinasabi na, “Hindi mo itinaguyod ang mga katotohanang prinsipyo sa gawain mo kasama ng iyong mga kapatid. Malinaw mong nalalaman na mali ang opinyon ni Hudson noong gumagawa ng video, pero pikit-mata mo pa rin siyang sinunod para maiwasan ang anumang alitan at para mapanatili ang iyong imahe. Dahil doon ay kinailangang ulitin ang mga video at naantala niyon ang progreso natin.” Pagkatapos ay sinabi niya, “Ugali mong makibagay sa mahihirap na pangyayari. Kailangan mong hanapin ang katotohanan at lutasin ito agad-agad.” Mahirap para sa akin na marinig iyon. Nagdasal at nagnilay ako tungkol dito sa sumunod na ilang araw, at nagbasa ako ng salita ng Diyos.

Nakita ko na sinasabi ng salita ng Diyos: “Sa lahat ng anyo, tila partikular na mabait, edukado, at tanyag ang mga salita ng mga anticristo. Sinumang lumalabag sa prinsipyo, na nanggagambala at nanggugulo sa gawain ng iglesia, ay hindi inilalantad o pinupuna kahit sino pa sila; nagbubulag-bulagan ang anticristo, hinahayaan nilang isipin ng mga tao na mapagbigay sila sa lahat ng bagay. Ang bawat katiwalian at masamang gawa ng mga tao ay hinaharap nang may kagandahang-loob at pagpaparaya. Hindi sila nagagalit, o nagwawala, hindi sila maiinis at maninisi ng mga tao kapag gumagawa ang mga ito ng mali at napipinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sinuman ang gumagawa ng masama at nanggugulo sa gawain ng iglesia, hindi nila pinapansin, na para bang wala itong kinalaman sa kanila, at hinding-hindi nila pasasamain ang loob ng mga tao dahil dito. Ano ba ang ipinag-aalala nang husto ng mga anticristo? Kung ilang tao ang tumitingala sa kanila, at ilang tao ang nakakakita sa kanila kapag nagdurusa sila, at humahanga sa kanila dahil dito. Naniniwala ang mga anticristo na ang pagdurusa ay hinding-hindi dapat walang kapalit; anumang paghihirap ang kanilang tinitiis, anumang halaga ang kanilang binabayaran, anumang mabubuting gawa ang kanilang ginagawa, gaano man sila mapagmalasakit, mapagpaubaya, at mapagmahal sa iba, dapat isagawa ang lahat ng ito sa harap ng iba, dapat makita ito ng mas maraming tao. At ano ang layon nila sa pagkilos nang ganito? Upang makuha ang loob ng mga tao, upang makaramdam ang mas maraming tao ng paghanga at pagsang-ayon sa kanilang mga kilos, sa kanilang asal, at kanilang pagkatao. May mga anticristo pa nga na sinusubukang lumikha ng isang imahe ng kanilang sarili bilang isang taong mabuti sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting pag-uugaling ito, para mas maraming taong lumapit sa kanila para humingi ng tulong. … Ang kanilang mga kilos ay hindi lamang naghihikayat ng pagpipitagan sa puso ng mga tao—binibigyan din sila ng mga iyon ng puwang doon. Nais ng mga anticristo na pumalit sa lugar ng Diyos. Ito ang nilalayon nila kapag ginagawa nila ang mga bagay na ito. Maliwanag na ang kanilang mga kilos ay nagbunga na ng maagang mga resulta: Sa puso ng mga taong ito na walang pagkakilala, may puwang na ngayon ang mga anticristo, at may mga tao na ngayon na pinagpipitagan at hinahangaan sila, na siyang layon mismo ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Ipinakikita ng Diyos na talagang masama at kasuklam-suklam ang mga anticristo. Magaling silang umakto na mabait at magsabi ng mabubuting bagay para magbalatkayo at makuha ang puso ng iba, upang isipin ng mga tao na sila lang ang mapagparaya at maunawain, para hanapin sila ng ibang tao para gumaan ang loob ng mga ito. Inilalayo nang inilalayo niyon ang mga tao sa Diyos, at inaagaw ng mga anticristo ang puwang ng Diyos sa puso ng mga ito. Ganoon nga ako. Sa kanilang mga tungkulin, kailangang bigyang-diin ng mga kapatid ang mga bagay-bagay at tulungan ang isa’t isa, pero iniiwasan kong gawin ang kahit anong makapagpapasama ng loob para lang protektahan ang sarili kong reputasyon. Nakakita ako ng mga problema sa mga video ni Hudson ngunit hindi ko itinaguyod ang mga katotohanang prinsipyo; sumabay lang ako sa agos. Isa akong mapagpasaya ng tao at hindi ako nagsagawa ng katotohanan. Ayokong isipin ng lahat na mapagmataas ako, bagkus ay mapagparaya, maunawain, at mapagsaalang-alang sa damdamin ng iba. Gusto kong pasayahin ang lahat ng taong nakakaugnayan ko para magustuhan nila ako at magkaroon sila ng magandang pagtingin sa akin. Para makamit ang kasuklam-suklam kong layunin, hindi ko pinalagpas maging ang gawain ng iglesia sa pagsubok kong magpanatili ng positibong imahe. Napakamakasarili ko! Mula sa paghatol at paghahayag ng Diyos, nakita ko na sa pagiging mapagpasaya ng tao, ako ay nasa landas ng isang anticristo. Labis akong nakonsensya nang mapagtanto ko ito. Nagpatuloy ako sa pagninilay sa aking sarili pagkatapos noon. Kung magbabalik-tanaw sa buong panahon ko bilang isang mananampalataya, palagi akong nagkukunwaring mabait sa ibang tao. Sa tuwing makakakita ako ng isang taong mukhang mabait, magalang, at pino kung magsalita at kumilos, sinusubukan ko siyang tularan at gayahin. Gusto kong magmukhang madaling pakisamahan at madaling lapitan para mapag-ingatan ang imahe ko sa isip ng aking mga kapatid. Halos hindi ako nagsasalita kapag nakakakita ako ng mga problema ng iba o kapag naghahayag sila ng tiwaling disposisyon, sa takot na mapahiya ko sila sa paglalantad ko sa kanila. Naalala ko na noong naging diyakono ako ng ebanghelyo dati, palagi kong pinagsisikapang maging mababang-loob at magsalita nang may pagpapakumbaba. Kapag nakikita ko ang iba na nagiging walang ingat sa kanilang tungkulin at nagiging walang prinsipyo, natatakot ako na iisipin ng lahat na wala akong simpatiya kung babanggitin ko iyon, at na masisira noon ang imahe ko na “mabait.” Kaya, dahil sa diumano ay pagmamahal, kapag sinusubukan kong tulungan ang iba, maingat ako sa aking pananalita, at malumanay ako at hindi tuwiran. Kahit kailan ay wala akong direktang inilantad o tinulungang makita kung gaano kasama ang kanyang nagawa. Binibigyan ko lang siya ng isang hindi tuwirang pahiwatig. Noong kailangan kong magtanggal ng isang tao, pakiramdam ko ay mapasasama noon ang loob ng taong iyon, at hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Ginawa ko ang makakaya ko para magawa na ibang tao na lang ang magbahagi sa halip na ako, iniiwasan iyon hanggat makakaya ko. … Sa ganitong paraan, ginawa ko ang makakaya ko para mapanatili at maprotektahan ang katayuan at imahe ko, at sinabi ng mga kapatid na kahit kailan ay hindi ako umastang mataas, at na madali akong pakisamahan. Inirekomenda pa nga nila ako para sa isang posisyon ng pamumuno, dahil mayroon akong “mabuting pagkatao” at hindi ako mang-aapi ng iba. Masyado akong nasiyahan sa aking sarili. Gumagamit ang mga anticristo ng panlabas na mabuting pag-uugali para mailigaw at maakit ang mga tao. Hindi ba’t ganoon din ang layunin at mga minimithi ko sa puso ko? Kahit kailan ay hindi ko pinagnilayan ang kasuklam-suklam kong layunin o tiwaling kalikasan, at pakiramdam ko ay walang masama sa pagiging isang mapagpasaya ng tao. Makukuha ko ang pagsang-ayon at suporta ng iba, at magagawa ko ang mga tao na maging maganda ang pagtingin sa akin: Parang magandang paraan iyon ng pamumuhay. Pero ngayon ay nakita ko na sa pagiging mahilig magpalugod ng mga tao, itinataguyod ko ang aking sarili sa pinakapalihim at pinakapatagong paraan, para linlangin ang iba at maakit sila. Tinatahak ko ang landas ng mga anticristo!

Isang araw, may nabasa akong isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na talagang nakapukaw sa akin: “Ano ang kinahihinatnan kapag laging iniisip ng mga tao ang sarili nilang interes, kapag lagi nilang sinusubukang protektahan ang kanilang sariling karangalan at banidad, kapag nagpapakita sila ng isang tiwaling disposisyon pero hindi naman nila hinahanap ang katotohanan para ayusin ito? Ito ay dahil sa wala silang buhay pagpasok, ito ay dahil wala silang mga tunay na patotoo batay sa karanasan. At delikado ito, hindi ba? Kung hindi mo kailanman isinasagawa ang katotohanan, kung wala kang mga patotoo batay sa karanasan, pagdating ng panahon ay malalantad ka at mapapalayas. Ano ang silbi ng mga taong walang mga patotoo batay sa karanasan sa sambahayan ng Diyos? Nakatakda silang hindi magawa nang maayos ang anumang tungkulin at hindi makayang gawin nang maayos ang anumang bagay. Hindi ba’t basura lang sila? Kung hindi kailanman isinasagawa ng mga tao ang katotohanan matapos ang maraming taong pananalig sa Diyos, sila ay mga walang pananampalataya; sila ay masasama. Kung hindi mo kailanman isinagawa ang katotohanan, at kung lalo pang dumarami ang mga paglabag mo, nakatakda na ang katapusan mo. Makikita nang malinaw na ang lahat ng iyong paglabag, ang maling landas na tinatahak mo, at ang pagtanggi mong magsisi—ang lahat ng ito ay dumadagdag sa sangkaterbang masasamang gawa; kaya naman ang katapusan mo ay ang mapupunta ka sa impiyerno—mapaparusahan ka. Iniisip ba ninyo na maliit na bagay lang ito? Kung hindi ka pa naparusahan, hindi mo maiisip kung gaano kanakapangingilabot ito. Pagdating ng araw kung saan talaga ngang naharap ka sa kapahamakan, at naharap ka sa kamatayan, magiging huli na ang lahat para magsisi. Kung, sa pananalig mo sa Diyos, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at kung matagal ka nang naniniwala sa Diyos pero walang nagbago sa iyo, ang kahihinatnan mo sa huli ay iyong palalayasin ka, at pababayaan ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Palagi akong naging mabait na tao at hindi ako nagsasagawa ng katotohanan. Sa aking pakikipagtulungan sa iba, palaging ang mga interes ng iglesia ang nagdurusa para makamit ko ang masama kong mithiin na maakit at makuha ang loob ng iba. Lahat ng ginawa ko ay masama. Kung magpapatuloy ako sa ganoong paraan, sa huli ay matitiwalag at maparurusahan ako ng Diyos! Mula sa mga salita ng Diyos, nadama ko ang Kanyang matuwid na disposisyon at kung paano Siya nasusuklam sa mga taong hindi nagsasagawa ng katotohanan. Gusto kong magsisi agad-agad, maghanap ng landas ng pagsasagawa, at lutasin ang aking disposisyong mapagpasaya ng tao.

Nabasa ko na sinasabi ng salita ng Diyos: “Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Para magkaroon ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, dapat maitatag ang lahat sa pundasyon ng mga salita ng Diyos, dapat magampanan mo ang iyong tungkulin alinsunod sa mga salita ng Diyos at sa kung ano ang hinihingi ng Diyos, dapat mong ituwid ang mga pananaw mo, at dapat mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Dapat mong isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan mo ito, at kahit ano pang mangyari sa iyo, dapat kang manalangin sa Diyos at maghanap nang may sumusunod-sa-Diyos na puso. Sa pagsasagawa nang ganito, mapapanatili mo ang isang normal na kaugnayan sa Diyos. Kasabay ng pagganap mo nang maayos sa iyong tungkulin, dapat mo ring tiyakin na wala kang ginagawang anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, at wala kang sinasabi na hindi makakatulong sa mga kapatid. Kahit papaano man lang, dapat wala kang gawin na labag sa iyong konsensya at hinding-hindi ka dapat gumawa ng anumang bagay na nakakahiya. Hinding-hindi mo dapat gawin, lalong-lalo na, iyong pagrerebelde o paglaban sa Diyos, at hindi mo dapat gawin ang anumang bagay na nakakaabala sa gawain o buhay ng iglesia. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, nang walang ginagawang anumang bagay na makasarili o kasuklam-suklam, na madalas na pinagninilayan ang sarili. Sa ganitong paraan, magagawa mong madalas na mamuhay sa harap ng Diyos, at ang kaugnayan mo sa Diyos ay magiging normal na normal(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). “Para sa lahat ng gumaganap ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng paraan para isagawa ang pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at bitiwan ang kanilang mga makasariling hangarin, mga personal na layunin, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan. Unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito man lang ay dapat gawin ng isang tao. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumaganap ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon pagganap ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at isaalang-alang ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hindi ba ninyo nararamdaman na mas dumadali ito nang kaunti kapag hinahati ninyo ito sa dalawang hakbang at gumagawa kayo ng ilang kompromiso? Kung magsasagawa ka nang ganito sa maikling panahon, madarama mo na hindi naman pala mahirap na bigyang-kasiyahan ang Diyos. Bukod pa riyan, dapat mong magawang tuparin ang iyong mga responsabilidad, gampanan ang iyong mga obligasyon at ang iyong tungkulin, at isantabi ang iyong mga makasariling hangarin, layon, at motibo; dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkulin na dapat mong gampanan. Pagkatapos danasin ito sa sandaling panahon, madarama mo na magandang umasal sa ganitong paraan. Ito ay pamumuhay nang prangka at tapat, at hindi pagiging isang hamak at kasuklam-suklam na tao; pamumuhay ito nang makatarungan at marangal sa halip na pagiging kasuklam-suklam, hamak, at walang silbi. Madarama mo na ganito dapat kumilos ang isang tao at ito ang wangis na dapat niyang isabuhay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, naunawaan ko na tanging ang mga taong naghahanap sa katotohanan sa lahat ng bagay at nasa panig ng Diyos, na bumibitaw sa kanilang mga personal na ninanasa, at nagtataguyod sa gawain ng iglesia, ang nagsasabuhay ng isang wangis ng tao at maaaring magkaroon ng mga normal na kaugnayan sa iba. Pagkatapos niyon, sinimulan kong isagawa na unang isaalang-alang na mapangalagaan ang mga interes ng iglesia sa bawat sitwasyon, at sinubukan kong tuparin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng aking pananalita at mga pagkilos. Matapos itong gawin sa ilang panahon, nakita kong marami akong pagkakataon para isagawa ang katotohanan sa pang-araw-araw na pamumuhay at sa aking tungkulin. Halimbawa, sa mga pagtitipon, nakita ko ang ilang tao na magsabi ng mga salita at doktrina o lumayo sa paksa. O na may isang taong nagsasalita nang paliguy-ligoy habang nagbabahaginan, na pinahahaba ang pagtitipon namin. Nakapipinsala ito sa aming buhay-iglesia, pero hindi iyon pinuna o itinama ng lider ng grupo. Noong una, ayaw kong magsalita, pero medyo nakonsensya ako—bakit ba gusto ko na namang maging mapagpasaya ng tao? Agad akong nagdasal sa Diyos, tinatalikdan ang mali kong layunin. Sa dulo ng pagtitipon ay binanggit ko ang mga problemang nakita ko at nagmungkahi ng mga solusyon. Nadama ko kung paanong ang pagtalikod sa aking sarili at pagtataguyod sa gawain ng iglesia nang ganito ay nagbigay sa akin ng labis na kapayapaan. Isa pa, natanggal ang isang brother na kilalang-kilala ko. Sinabi niya sa akin na iyon ay dahil naghahangad siya ng kaginhawahan, na tuso at mapanlinlang siya, at hindi naging epektibo sa kanyang tungkulin. Noong una ay gusto kong pagaanin ang loob niya at itulak siyang magkaroon ng magandang pagtingin sa akin, pero pagkatapos ay napagtanto ko na kailangan kong isagawa ang katotohanan sa pagkakataong iyon. Kaya pinahinahon ko ang puso ko at pinag-isipan kung ano ang dapat kong sabihin para matulungan ang brother na ito na maliwanagan. Inisip ko ang mga nauna naming interaksyon. Halatang-halata ang pagnanais niya ng kaginhawahan sa kanyang tungkulin. Nang hindi nagpipigil sa pagsasalita, tinukoy ko ang mga problema sa pag-uugali na kanyang ipinamalas sa panahon ng kanyang tungkulin, at pinadalhan ko siya ng ilang nauugnay na salita ng Diyos. Pinasalamatan niya ako at sinabi na nakatulong sa kanya ang pagsasabi ko sa kanya ng lahat ng iyon. Matapos gawin ito, naging kalmadong-kalmado ako, at panatag na panatag.

Sa paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko na kung patuloy akong mamumuhay ayon sa mga makamundong pilosopiya ni Satanas, lalo at lalo lang akong magiging mapanlinlang at tuso; hindi ko maaabot ang pinakamababang pamantayan para maging tao, at sa huli ay masasaktan ko lang ang iba at ang aking sarili. Natutuhan ko rin na ang pamumuhay ayon sa mga salita ng Diyos at pag-asal ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang tanging paraan para magkaroon ng pagkatao at maging isang tunay na mabuting tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Hindi Matatakasang Pasakit

Ni Qiu Cheng, Tsina No’ng mag-edad 47 na ako, nagsimulang mabilis na lumabo ang paningin ko. Sabi ng doktor na kung hindi ko aalagaan ang...

Desidido Ako sa Landas na Ito

Ni Han Chen, TsinaIlang taon na ang nakararaan, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinentensyahan ako ng Partido...