Ang Nasa Likod ng Takot na Magtapat

Hunyo 1, 2022

Ni Ye Xincao, Myanmar

Noong Marso 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at kalaunan, ginampanan ko ang isang tungkulin. Hindi nagtagal, nahalal ako bilang diyakono ng ebanghelyo. Labis akong nasabik, at naisip ko, “Ako ang napili sa mga kapatid na mas matagal nang ginampanan ang kanilang tungkulin kaysa sa’kin. Tila sa tingin ng mga kapatid, isa akong taong may kakayahan na naghahanap sa katotohanan. Kailangan kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko para makita nilang hindi maling tao ang pinili nila.” Pagkatapos nun, aktibo kong inasikaso ang gawain. Kapag nakikita ko ang mga kapatid ko na nasa masamang kalagayan, agad akong naghahanap ng salita ng Diyos para magbahagi sa kanila, at kapag nagkaroon ako ng magandang karanasan sa ebanghelyo, mabilis kong ibinabahagi ito sa kanila. Pagkaraan ng maikling panahon, ilang kapatid na pasibo sa kanilang mga tungkulin ang naging mas aktibo, at pakiramdam ko’y may abilidad talaga ako sa gawaing ito. Kapag nalaman ng aking mga lider, tiyak na sasabihin nilang magaling ako rito at lilinangin ako. Sa isiping ito, nasabik ako at mas ginanahan sa aking tungkulin. Kapag mabisa ang gawain ng ebanghelyo, ipinapadala ko ang mabuting balita sa grupo, umaasang makita ng lahat ng kapatid ang magandang resulta ng aking tungkulin. Nagpapakitang-gilas din ako paminsan-minsan sa mga kapatid. Kapag inaalam ang kanilang trabaho, tinatanong ko muna sila kung meron silang anumang mga problema o suliranin, at tapos sadya kong sinasabi, “Bukod sa paglutas ng inyong mga suliranin, kailangan kong kumustahin ang gawain sa marami pang lugar. Abala ang bawat araw, at gabing-gabi na akong natutulog.” Matapos nilang marinig na sabihin ko ’to, ang ilang kapatid ay nagsabing, “Hindi kami nagkaro’n ng anumang suliranin kamakailan. Sister, salamat sa pagsusumikap mo.” Natuwa ako nang marinig ko ang sinabi nila. Pakiramdam ko’y siguradong iniisip nilang nagdadala ako ng pasanin sa tungkulin, na handa akong magbayad ng halaga, at na isa akong responsableng tao.

Isang araw, isang brother ang lumapit sa akin upang magtapat at magbahagi ng kanyang kalagayan. Sabi niya, “Lagi kong sinisikap na tingalain ako ng mga tao sa aking tungkulin. Kapag kinukumusta ko ang gawain, lagi akong nagsasalita mula sa posisyon ng isang lider ng grupo at laging nagpapakitang-gilas ’pag nagsasalita. …” Napukaw ang puso ko nang marinig ’yon. ’Di ba ganun din ako? Kapag kinukumusta ko ang gawain, palagi kong gustong ipaalam sa iba na hindi na ako isang karaniwang mananampalataya, kundi isang diyakono. Minsan, sinasadya kong banggitin na meron akong maraming gawain na kukumustahin at na napakaabala ko kaya gabing-gabi na akong natutulog. Gusto kong makita ng iba na nagdadala ako ng pasanin at may pag-unawa sa responsibilidad sa aking tungkulin. Dito, nagpapakitang-gilas din ako para tingalain ako ng iba. Gusto kong magtapat at magbahagi sa brother para magkasamang maghanap ng mga solusyon sa kalagayang ito, pero naisip ko, “Isa na akong diyakono ng ebanghelyo ngayon. Kung magtatapat ako tungkol sa aking katiwalian, mararamdaman ba ng brother na napakatiwali ko at inuuna ang katayuan? Magiging masama ba ang tingin niya sa akin? Tapos mawawala ang magandang reputasyon na nabuo ko.” Sa isiping ito, nagpasya akong huwag magtapat, kaya inaliw ko siya sa pagsasabing, “Okay lang ’yan, may katiwalian din ako.” Tapos nagsabi ako ng ilang salita ng pagbabahagi sa kanya, at iyon na ’yon.

Isa pang beses, naghalal ng lider ng grupo ang isang grupong pinamamahalaan ko, at naisip ko, “Dahil merong lider ng grupo na namamahala sa gawain, hindi ko na kailangang kumustahin ito.” Kaya hindi ako nakinig nang mabuti sa mga talakayan sa trabaho. Kahit sa mga pulong nila, wala sa loob ko ang ginagawa ko. Mabilis na lumipas ang isang buwan nang ganon-ganon lang, at kapansin-pansing nabawasan ang pagiging epektibo ng gawain ng grupo. Sa isang pulong, lahat ng kapatid ay nagnilay sa kanilang saloobin sa kanilang tungkulin batay sa mga salita ng Diyos, at nagtapat din para ihayag ang kanilang katiwalian. Alam kong naging iresponsable ako at wala sa loob ang ginagawa ’pag pinamamahalaan ko ang kanilang gawain, na ginawang hindi gaanong epektibo ang kanilang gawain, ngunit wala akong lakas ng loob na magbahagi tungkol dito. Ang impresyon nila sa’kin sa kanilang mga puso ay isang taong masipag at responsable sa aking tungkulin, at lahat ay may magandang opinyon sa’kin. Nag-alala ako na baka pagkatapos magtapat, sasama ang tingin sa akin ng mga kapatid. Iisipin nilang iniraos ko lang ang gawain at naging iresponsable sa aking tungkulin. Kapag nalaman ito ng mga lider, magkakaroon sila ng hindi magandang pagsusuri sa akin, at baka tanggalin ako. Magiging sobrang nakakahiya ’yon. Sa oras na ito, tinanong ako ng lider kung gusto kong magbahagi, at lubhang nagtalo ang kalooban ko. Gusto kong magbahagi, pero natakot akong mapipinsala ang aking reputasyon at katayuan kung magsasalita ako, pero kung hindi ako magsalita, ikinukubli ko ang sarili ko at nanlilinlang ako. Anong gagawin ko kung gayon? Lubha akong nabalisa. Sa huli, naisip ko, “Kalimutan mo na, hindi ako magbabahagi ngayon. Malalampasan ko ang sandaling ito, kahit papa’no.” Pagkatapos ng pulong, labis akong nalungkot at nakonsensya, na parang may napakabigat na nakadagan sa’kin. Kaya, nanalangin ako sa Diyos para maghanap. Bakit ako natatakot magtapat tungkol sa aking katiwalian? Bakit ba lagi akong nagbabalatkayo, at palaging inuuna ang aking katayuan at reputasyon?

Nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Anong disposisyon iyon kapag ang mga tao ay laging nagpapanggap, laging pinagtatakpan ang kanilang sarili, laging nagkukunwari upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag lagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspeto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang masamang bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o magpatayan nang lihim, walang sinumang pinapayagang magsumbong o magsiwalat nito. Bukod pa riyan, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kawasto. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang prominenteng katangian ng aspetong ito ng kalikasan ni Satanas ay panloloko at panlilinlang. At ano ang layon ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na mga kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang layon na mapatatag ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang opinyon ang ibang mga tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na tingin ang mga tao sa kanila, at mabigyan sila ng mataas na katayuan, sa kanilang puso. Ganito ang tiwaling disposisyon(“Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Upang maging isang tapat na tao, dapat mo munang ilantad ang iyong puso upang matingnan ito ng lahat, makita ang lahat ng iniisip mo, at masilayan ang iyong totoong mukha; hindi mo dapat subukang magpanggap o magbalatkayo para magmukhang mabuti. Saka lamang magtitiwala ang mga tao sa iyo at ipapalagay na matapat ka. Ito ay ang pinakasaligang pagsasagawa, at ang pang-unang kailangan, ng pagiging isang tapat na tao. Palagi kang nagpapanggap, palaging nagkukunwaring may kabanalan, pagkamarangal, kadakilaan, at mataas na moralidad. Hindi mo hinahayaang makita ng mga tao ang iyong katiwalian at iyong mga kabiguan. Inihaharap mo ang isang huwad na imahe sa mga tao upang maniwala sila na ikaw ay magaling, dakila, mapagsakripisyo, walang-pinapanigan, at di-makasarili. Hindi ba’t ito’y pagiging mapanlinlang at pagkabulaan? Huwag magpanggap, at huwag magbalatkayo; sa halip, ilantad ang sarili mo at ang puso mo para makita ng iba. Kung mailalantad mo ang puso mo para makita ng iba, at mailalantad mo ang lahat ng iniisip mo at mga balak—kapwa positibo at negatibo—sa gayon hindi ka ba nagiging tapat? Kung nailalantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, kung gayon makikita ka rin ng Diyos, at magsasabing: ‘Nailantad mo ang iyong sarili para makita ng iba, at kaya tiyak na tapat ka rin sa harap Ko.’ Kung inilalantad mo lamang ang sarili mo sa Diyos kapag hindi nakikita ng ibang tao, at palaging nagpapanggap na dakila at marangal o makatarungan at di-makasarili kapag kasama nila, kung gayon ano ang iisipin at sasabihin ng Diyos? Sasabihin Niya: ‘Ikaw ay talagang mapanlinlang, ikaw ay totoong mapagpaimbabaw at hamak; at hindi ka isang tapat na tao.’ Kokondenahin ka ng Diyos nang gayon(“Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nakadama ako ng matinding kirot sa puso ko. Tumpak na inihayag ng salita ng Diyos ang aking kalagayan. Mula nang mahalal ako bilang diyakono ng ebanghelyo, pakiramdam ko meron akong mas mataas na kakayahan at mas malaking tayog kaysa mga ordinaryong kapatid, kaya lagi kong ginustong makita ng lahat ang aking kabutihan. Pinagtakpan ko ang aking katiwalian at pagkukulang para mapigilan ang iba na malaman ang tungkol sa mga ’to. No’ng medyo epektibo ako sa aking tungkulin, ginusto kong magpakitang-gilas. Hindi ako makapaghintay na ipadala ang aking magandang balita sa grupo dahil gusto kong makita ito ng mga kapatid, lider, at iba pang mga katrabaho. Sinadya ko ring sabihin sa iba na sinusubaybayan ko ang napakaraming gawain at napakaabala ko para malaman nilang responsable ako sa aking tungkulin. Pinagtatakpan ko ang sarili at nagbabalatkayo para bumuo ng positibo, responsable, at naghahanap sa katotohanan na imahe ng aking sarili. Ang pakay ko ay ang mahikayat ang mga kapatid na tumingala sa’kin. Pero ang totoo, hindi naman talaga ako gano’n. Tiwali rin ako—nagpapakitang-gilas sa aking tungkulin, iniraraos lang ang tungkulin, at hindi gumagawa ng praktikal na gawain. Pero hindi ako kailanman nagtapat tungkol sa aking katiwalian, dahil natatakot akong malaman ng mga kapatid na nananabik ako sa katayuan at iresponsable, at masisira nun ang magandang imahe ko sa kanilang mga puso. Habang pinagninilayan ko ito, nakaramdam ako ng pagkasuklam. Nakakasundo ko ang iba nang nagkukunwari at nagbalatkayo ako para tingalain nila ako. Ito ay isang mapagmataas at mapanlinlang na satanikong disposisyon na kinamumuhian ng Diyos. Bago maging diyakono ng ebanghelyo, madalas kong naririnig ang mga kapatid na nagsasabing, “Lahat ng tao ay may tiwaling satanikong disposisyon, at lahat ay pinahahalagahan ang katayuan. Nagagawa natin ang lahat para makamit at mapanatili ang ating katayuan.” Nung panahong ’yon, naisip ko, “Kung may katayuan ako, siguradong hindi ako gagawa ng mga bagay para mapanatili ito.” Ngunit ibinunyag ako ng mga katunayan at ng salita ng Diyos. Nakita ko na para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, nagbalatkayo ako at pinagtakpan ang sarili sa lahat ng bagay, at talagang mayabang at mapanlinlang. Noon ko lang nakita na may paniniwala akong hindi ako maghahabol sa katayuan dahil lang hindi pa ako nailantad. Isa rin akong taong nagawang tiwali ni Satanas, at puno ako ng satanikong disposisyon. Tapos naalala ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao, na kayang isagawa ang katotohanan at ilantad ang kanilang sarili. Ngunit nagbabalatkayo ako at hindi nagsasagawa ng katotohanan, at nababalisa ako sa lahat ng oras. Nagpasya akong maging isang tapat na tao at ipagtapat sa lahat ang tungkol sa aking katiwalian.

Pagkalipas ng ilang araw, sa pulong ng mga katrabaho, nais kong magtapat sa iba tungkol sa kung paano ako nagbalatkayo, nanlinlang, at hindi gumawa ng praktikal na gawain, at maging isang taong tapat at bukas ang isip. Pero nung magbabahagi na sana ako, nag-alinlangan ulit ako. Naisip ko, “Kung susuriin at ilalantad ko ang aking sarili, ano ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Hindi ba mawawala ang magandang reputasyong pinaghirapan kong buuin? Kung bababa ang tingin sa’kin ng mga kapatid dahil dito, sobrang nakakahiya ’to. Mas mabuting maghintay pa ako nang kaunti at hayaan muna ang iba pang kapatid na magbahagi.” Pero nang ganito ang naiisip ko, hindi ako mapakali. Ayaw kong magtapat, kaya hindi ba pagpapanggap pa rin ito at pagnanais na mapanatili ang aking katayuan? Nagkaro’n ng pagtatalo sa aking puso. Kung magsasalita ako, baka maliitin ako ng iba. Kung hindi, makokonsensya ako. Nanalangin ako sa Diyos, na hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagsasagawa ng katotohanan. Sa sandaling ito, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Kilala ba ninyo kung sino talaga ang mga Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na ‘mga Pariseo’ ang mga taong ito? Ano ang kahulugan ng Pariseo? Paano inilalarawan ang isang Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, hindi nila tunay na maisasagawa at mararanasan ang mga salita ng Diyos, at hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-unawa at muling pagbigkas ng doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na sa loob ng ilang taon ay nagreresulta sa kakayahan nilang magbigkas ng maraming salita ng doktrina na tuluy-tuloy na tumataas, at iginagalang at hinahangaan sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit ng mga tao ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Saanman sila magtungo, ang mga bagay na pinag-uusapan nila, ang mga bagay na sinasabi nila, at ang kanilang panlabas na pag-uugali ay pawang mukhang tama at mabuti sa iba; lahat sila ay naaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng tao. Para sa mga tao, ang taong ito ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal siya, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi niyang mahal niya ang Diyos, ngunit ang totoo’y palabas lang ito. Iniisip ng mga tao na banal ang taong ito, pero huwad talaga siya. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao’y pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagpapatakbo siya ng sarili niyang operasyon, kumikita siya mula sa iglesia at nagnanakaw ng mga handog nang palihim. Lahat ng ipinapakita niya—lahat ng kilos niya—ay huwad. Ito ang ibig sabihin ng mapagpaimbabaw na Pariseo. Saan ang mga ‘Pariseo’—ang mga taong ito nagmumula? Lumilitaw ba sila sa mga hindi mananampalataya? Hindi, lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit nagbabago nang ganyan ang mga mananampalatayang ito? Maaari kayang ang mga salita ng Diyos ang dahilan kaya sila nagkaganyan? Malinaw na hindi. Ano ang dahilan? Ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Ginagamit lang nila ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan upang mangaral at mapakinabangan ang iglesia. Sinasandatahan nila ang kanilang isip at bibig ng mga salita ng Diyos, ipinepresenta ang kanilang sarili na banal, at pagkatapos ay ginagamit nila itong kapital upang makamit ang layong mapakinabangan ang iglesia. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman isinagawa ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga ipokritong Pariseo. Ang kaunting dapat ay mabuting pag-uugali at mabubuting gawi ng pagpapahayag ng kanilang sarili, at ang kaunting naisuko at nagugol nila, ay ganap na sapilitan; puro pagkukunwari ang lahat ng iyon. Ganap na huwad ang mga iyon; lahat ng kilos na iyon ay pagkukunwari. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagpipitagan sa Diyos, ni wala pa nga silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, kabilang sila sa mga walang pananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Pariseo sila. Hindi ba nakakatakot iyon? Saang lugar nagtitipon ang mga Pariseo? Ito ay sa pamilihan. Sa mata ng Diyos, iyon ang relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga literal na salita at mabababaw na mga doktrina tungkol sa mga pahayag ng Diyos ang kanilang makuha, ito ay walang silbi(“Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, labis akong natakot, at ako ay nanginginig sa loob. Upang tingalain ako ng iba, nagbalatkayo ako sa lahat ng bagay, para makita ng lahat ang aking kabutihan. Hindi ko kailanman binanggit ang aking mga pagkukulang o nagtapat tungkol sa mga ito. Palagi kong binibigyan ng maling impresyon ang mga tao at nililinlang ang mga kapatid. Hindi ba katulad ako ng mga Pariseo? Ang mga Pariseo ay nagpapaliwanag ng mga kasulatan sa mga tao sa sinagoga araw-araw at madalas na nakatayo sa mga sangang-daan at nananalangin. Inakala ng lahat na mahal nila ang Diyos at mga banal sila, at tinitingala at sinasamba sila. Ngunit hindi talaga sila natakot sa Diyos, o inuna ang Diyos sa lahat, ni sinunod ang mga utos ng Diyos. Lalo na nung ang Panginoong Jesus ay nagpakita at gumawa, alam nilang ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, pero upang mapanatili ang kanilang katayuan at kabuhayan, galit na galit nilang nilapastangan, nilabanan, at kinondena ang gawain ng Diyos. Ang kanilang panlabas na mabubuting gawa ay huwad, mga bagay na ginamit nila para magbalatkayo at ikubli ang kanilang sarili, at bagama’t makadiyos sa anyo, sila ay tuso sa diwa at napopoot sa katotohanan. Naalala ko kung paano isinumpa ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo, “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka’t tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwa’t sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumaldumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangag-aanyong matuwid sa mga tao, datapuwa’t sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan(Mateo 23:27–28). Tapos naisip ko ang sarili ko. Hindi ba ganoon din ako? Mula nung ako’y naging diyakono ng ebanghelyo, sa panlabas, maaga akong gumigising, napupuyat, at maagap sa aking tungkulin, ngunit ang lahat ng ito ay mga ilusyon lamang, isang palabas para makita ng iba. Aktibo kong ginampanan ang aking tungkulin para ipaalam sa iba na hindi maling tao ang pinili nila. Kapag naging epektibo ako sa aking tungkulin at nalutas ang kalagayan ng mga kapatid, agad akong nagpapadala ng mensahe sa grupo o sabihan ang mga kapatid, dahil gusto kong makita ng aking mga lider at ng iba na may kakayahan ako at responsable sa aking tungkulin. Ginampanan ko ang aking tungkulin nang may sarili kong mga motibo at layon. Ginusto ko lang na tumaas ang tingin ng iba sa akin. Malinaw kong alam na hindi ako gumawa ng anumang mahalagang gawain, kundi madalas akong nagpakitang-gilas at naghangad ng katayuan, at hindi talaga ako nagbanggit o nagsalita tungkol sa aking katiwalian. Binigyan ako ng Diyos ng maraming pagkakataon na magtapat, pero muli’t muli, hindi ko isinagawa ang katotohanan, at piniling gumamit ng panlilinlang, pagbabalatkayo, at pagtatago upang makapandaya, nagdulot sa mga kapatid na maling hangaan ako bilang isang taong naghanap sa katotohanan at responsableng tumupad sa aking tungkulin. Nakita kong tulad ng mga mapagpaimbabaw na Pariseo, dinala ko ang mga tao sa harapan ko. Panlilinlang ito sa kanila at pagkuha ng loob nila, at tinatahak ko ang landas ng paglaban sa Diyos. Isinumpa ng Diyos ang mga Pariseo. Kung hindi ako magsisi, magiging tulad ng sa mga Pariseo ang kahahantungan ko.

Kalaunan, naisip ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos, “Dapat ninyong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang inyong mga kamalian, inyong mga kakulangan, inyong mga kasalanan, inyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag ninyong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang inyong sarili ang unang hakbang tungo sa pagpasok sa katotohanan, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, hindi ka talaga mapapagod, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag. Ito ang unang hakbang. Susunod, kailangan mong matutong suriin ang iyong mga saloobin at kilos para makita kung alin ang mali at kung alin ang hindi gusto ng Diyos, at kailangan mong baligtarin at ituwid kaagad ang mga iyon. Ano ang layunin ng pagtutuwid sa mga ito? Iyon ay para tanggapin at kilalanin ang katotohanan, samantalang tinatanggihan ang mga bagay sa loob mo na nabibilang kay Satanas at pinapalitan ang mga ito ng katotohanan. Dati, ginawa mo ang lahat ayon sa iyong likas na katiwalian, na tuso at mapanlinlang; pakiramdam mo’y wala kang magagawa nang hindi nagsisinungaling. Ngayong nauunawaan mo na ang katotohanan, at kinamumuhian ang mga paraan ni Satanas sa paggawa ng mga bagay-bagay, hindi ka na kumikilos nang ganoon, kumikilos ka na nang may kaisipan ng katapatan, kadalisayan, at pagsunod. Kung wala kang itatago, kung hindi ka magpapanggap, magkukunwari, magbabalatkayo kung magpapakatotoo ka sa mga kapatid, huwag mong itago ang iyong mga saloobin at malalalim na iniisip, sa halip ay hayaang makita ng iba ang tapat mong saloobin, kung magkagayon ay unti-unting mag-uugat sa iyo ang katotohanan, sisibol at mamumunga ito, magbubunga ito ng mga resulta nang paunti-unti. Kung lalong nagiging tapat ang iyong puso, at lalong nakahilig sa Diyos, at kung alam mong protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at nababagabag ang iyong konsensya kapag nabibigo kang maprotektahan ang mga interes na ito, ito ang katunayan na nagkaroon ng bisa sa iyo ang katotohanan, at ito ang siyang naging buhay mo(“Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na ang hindi pagkukunwari o pagbibigay ng maling impresyon, ang maihayag ang sarili kong katiwalian at mga pagkukulang, maipakita ang aking tunay na sarili, at ang hayaang makita ng mga kapatid ang loob ng aking puso ay ang kinakailangan para maging isang tapat na tao. Naisip ko kung paano ako laging nagkukunwari at nagkukubli ng sarili para tumaas ang tingin ng iba sa’kin, at kung pa’nong hindi ako naglakas-loob na magtapat ng aking katiwalian sa mga pulong. Isa akong mapanlinlang na tao, isang taong kinapopootan at kinasusuklaman ng Diyos, at ang pamumuhay nang ganito ay nakakapagod at masakit. Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko! Nagbabalatkayo ako sa lahat ng bagay para tingalain at hangaan ako ng mga tao. Alam kong nakakasuklam po ito sa Iyo. Ngayon, nasusuklam ako sa sarili ko. Diyos ko, nais kong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Gabayan Mo po ako!” Pagkatapos kong manalangin, nagbahagi ako tungkol sa kung paanong hindi ako gumawa ng totoong trabaho at inilantad kung paano ako nasangkot sa pagbabalatkayo at panlilinlang. Pagkatapos ng pagbabahaginan, nabawasan ang bigat sa puso ko, at labis akong naginhawahan. Hindi ako minaliit ng mga kapatid. At hindi ako iwinasto ng aking mga lider; sa halip, matiyaga silang nakipagbahaginan at tinuruan ako kung paano gumawa ng praktikal na gawain. Napagtanto ko na sa pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang tapat na tao, makadarama ako ng kapayapaan. Bagama’t nalantad ang aking mga problema at pagkukulang, sa pagbabahaginan at tulong ng aking mga kapatid, nagawa kong baguhin ang aking mga paraan sa oras at mas maayos na gampanan ang aking tungkulin, na naging kapaki-pakinabang sa akin.

Pagkatapos nun, sadya akong nagtapat at nagbahagi sa mga kapatid, inilantad ang aking mga tiwaling disposisyon, at tumigil sa pagpapanggap. Isang beses, isang brother ang nagpdala sa’kin ng mensahe na nagsasabing, “Isa kang diyakono ng ebanghelyo. Bakit hindi ka pumunta at magbahagi sa mga target ng ebanghelyo kapag ipinangangaral natin ang ebanghelyo? Parang dapat mong gawin ’to.” Nang makita ko ang mensahe, galit na galit ako. Naisip ko, “Lider ka lang ng grupo. Ano ang karapatan mong utusan ako? Para mo akong sinisita. Hindi mo man lang tinatanong kung abala ba ako o may oras ako.” Kaya sumagot ako, “Ang gawain ng ebanghelyo ay hindi puwedeng nakadepende lang sa akin. Kailangang magtulungan ang lahat para gawin ito.” Pagkatapos, medyo nakonsensya ako, dahil pakiramdam ko naging mayabang ako. Isinasaalang-alang ng brother ang aming trabaho, at nagsasalita ng mga katunayan. Dapat tinanggap ko ito. Hindi ko lang ito tinanggihan, galit ko rin siyang sinagot. Hindi ba hindi ’to makatwiran? Masasaktan at mapipigilan din siya sa ginawa ko. Gusto kong magtapat sa kanya at aminin ang aking mga problema, pero hindi ko mapakawalan ang aking reputasyon. Maganda ang impresyon sa akin ng brother na ito noon. Kung magtatapat ako sa kanya, mamaliitin ba niya ako? Sa pag-iisip nito, napagtanto ko na gusto kong magkunwaring muli para mapanatili ang aking katayuan at reputasyon. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako sa pagsasagawa ng katotohanan at pagtalikod sa aking sarili. Pagkatapos nun, nagtapat ako sa brother tungkol sa katiwalian ko. Sinabi niyang meron siyang mapagmataas na disposisyon at hindi isinasaalang-alang ang aking damdamin kapag nagsasalita siya, at gusto niyang magbago. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, pinagnilayan namin ang aming sarili, at ang pagsasagawa bilang isang tapat na tao ay talagang nagpagaan ng aking pakiramdam.

Sa pamamagitan ng aking karanasan, napagtanto ko na ang mga salita ng Diyos ay tunay na nakakapagpadalisay at nakakapagligtas ng mga tao. Kung wala ang paghatol at pagkastigo ng salita ng Diyos, lagi akong magbabalatkayo at magkukubli ng sarili, at magiging imposibleng maunawaan nang tunay ang sarili kong katiwalian at pagkukulang, at hindi ako makakapagbago. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa Kanyang patnubay at pagliligtas, at sa pagpaparanas sa akin ng kaginhawahan at pagpapalaya ng pagsasagawa ng katotohanan at pagiging isang tapat na tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Paglaya ng Puso

Ni Zheng Xin, USA Noong Oktubre ng 2016, nasa ibang bansa kami ng asawa ko noong tinanggap namin ang gawain. Makalipas ang ilang buwan, si...