Naghahatid ng Napakahalagang Balita ang Isang “Mensaherong Kalapati”

Disyembre 28, 2019

Ni Su Jie, Tsina

Isang araw noong 1999 matapos ang isang pagpupulong, nilapitan ako ng pastor at sinabing, “Su Jie, narito ang isang sulat para sa iyo.” Pagkakitang pagkakita ko noon, alam kong nanggaling iyon sa isang iglesiang itinatag ko sa Shandong. Kinuha ko ang sulat at habang pauwi, napaisip ako habang naglalakad, “Napakakapal ng sulat na ito, maaari kayang dahil nakaranas sila ng kaunting kahirapan?”

Hindi ako makapaghintay na buksan ang sulat pagdating sa bahay at doon nabasa ko: “Sister Su, payapa ka sana sa piling ng Panginoon! Sinusulatan kita upang sabihin sa iyo ang isang napakalaking balita! Nagbalik na ang Panginoong Jesus na Tagapaglitas natin na araw at gabi nating pinanabikan. Nagbalik na Siya sa katawang-tao at ginagawa ang yugto ng gawain ng paghatol at paglilinis sa mga tao sa pamamagitan ng mga salita Niya sa Tsina; tinapos na Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at sinimulan na ang Kapanahunan ng Kaharian. … Sana tanggapin mo ang panibagong gawain ng Diyos at sumabay sa mga yapak ng Diyos. Anuman ang gawin mo, huwag mong palampasin ang pagkakataong ito sa pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw.” Nang mabasa ko hanggang sa puntong iyon ay nakaramdam ako ng pagkagulat: Hindi naman talaga sila nakaranas ng mga kahirapan, ngunit naniwala sa Kidlat ng Silanganan! Hindi ako makapaghintay na malaman kung sino ang sumulat ng liham na ito, kaya agad kong inilipat sa huling pahina. Si Brother Meng pala ang siyang sumulat nito, at naroon din sa dulo ang mga lagda ng lahat ng iba pang mga kapatid sa iglesia. Pagkatapos kong basahin ang buong sulat ay natigilan ako. Walang kibo ko iyong tinitigan nang ilang sandali bago ako nahimasmasan at naisip sa sarili ko: “Nagpapatotoo ang Kidlat ng Silanganan na nagbalik na ang Panginoon, at nanakaw na nila ang maraming mabubuting tupa at punong tupa mula sa ilang denominasyon. Hindi ko naisip kailanman na maniniwala rin sa Kidlat ng Silanganan si Brother Meng mula sa iglesia ng Shandong. Lahat ng kapatid sa iglesiang ito ay nanakaw na ng Kidlat ng Silanganan—anong puwedeng gawin?” Lalo pa akong nakaramdam ng pangangailangang magmadali nang maisip ko ito, ngunit napakalayong pumunta sa Shandong at masyado akong abala sa gawain ko rito. Hindi ako makakapunta noong panahong iyon. Dahil wala akong magagawa, ang tanging nagawa ko ay umiyak at manalangin sa Panginoon: “O Panginoon! Bago pa lang nananalig sa Iyo ang mga kapatid na ito at wala pa silang matatag na pundasyon. Bantayan Mo nawa sila….”

Naghahatid ng Napakahalagang Balita ang Isang “Mensaherong Kalapati”

Pagkatapos noon, sinuyod ko ang Biblia at isinulat ang unang liham pabalik sa kanila. Sinabi ko sa sulat: “Mga kapatid kay Jesucristo, magalang kong ipinapayo na mag-ingat kayo. Sinabi ni Pablo: ‘Ako’y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo; Na ito’y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo’y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo. Datapuwa’t kahima’t kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil. Ayon sa aming sinabi nang una, ay muling gayon ang aking sinasabi ngayon, Kung ang sinoman ay mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba kay sa inyong tinanggap na, ay matakuwil’ (Galacia 1:6–9). Mga kapatid, hindi naging madali na dalhin kayo sa harap ng Panginoon; paano ninyo naipagkanulo ang Panginoon nang ganyan kabilis? Napakababa ng tayog ninyo—huwag kayong basta-basta makinig sa ibang pamamaraan! Dapat kayong makinig sa akin sapagkat ang ibinahagi ko sa inyo ay ang tunay na daan. Tanging ang Panginoong Jesucristo ang Tagapaglistas natin. Dapat ninyo itong pagtibayin magpakailanman….” Napayapa lang ako pagkatapos kong magsulat at tingnan ang liham na may walong pahina. Naisip ko sa sarili ko: Isinulat ko ang lahat ng dapat kong isulat, kinonsulta ko ang lahat ng banal na kasulatan na dapat kong konsultahin, at isinulat ang lahat ng payo at panghihikayat na dapat kong isulat. Naniniwala akong pagkatapos nilang mabasa ito, tiyak na sasagot sila at kikilalanin ang pagkakamali nila.

Pagkaraan ng dalawang linggo, natanggap ko ang tugon na ito: “Sister Su, hindi namin maaaring hindi sabihin ang lahat ng nakita at narinig namin dahil ang Makapangyarihang Diyos na sinasampalatayanan namin ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Pinagtitibay namin ang tunay na daan at kumikilos pasulong; hindi namin ipinagkanulo ni bahagya ang Panginoon, ngunit sumusunod sa mga yapak ng Panginoon. Binanggit mo ang mga salitang ito mula kay Pablo: ‘Ako’y namamangha na kay dali ninyong nagsilipat sa ibang evangelio buhat sa tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo; Na ito’y hindi ibang evangelio: kundi mayroong ilan na sa inyo’y nagsisiligalig, at nangagiibig na pasamain ang evangelio ni Cristo’ (Galacia 1:6–7). Mayroong sitwasyon sa likod ng sinabi ni Pablo. Kailangan lang nating pag-aralan ang Biblia upang malaman na ‘ang isa pang ebanghelyong’ sinabi ni Pablo noon ay tumukoy sa mga Fariseong humiling sa mga taong manatili sa batas ni Jehova; hindi ito tumukoy sa mga tao sa mga huling araw na nagpapakalat ng ebanghelyo ng kaharian, nagpapatotoo na nagbalik na ang Panginoon sa katawang-tao at gumagawa ng gawain Niya ng paghatol magmula sa tahanan ng Diyos. Noong sinulat ni Pablo ang liham na ito sa mga iglesia ng Galacia, walang sinuman ang nangangaral ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Samakatuwid, ang ‘isa pang ebanghelyo’ na sinabi ni Pablo ay hindi tumutukoy sa pagbabalik ng Panginoon at paggawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw simula sa tahanan ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain ng paghatol na isinasakatuparan ng Panginoon sa pagbabalik Niya ngayon ay tinutupad ang propesiya sa Aklat ng Pahayag: ‘At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may walang-hanggang ebanghelyo upang ipangaral sa mga nananahan sa lupa, at sa bawat bansa, at angkan, at wika, at bayan. Sinasabi niya nang may malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos, at magbigay kaluwalhatian sa Kanya; sapagka’t dumarating ang panahon ng Kanyang paghatol”(Pahayag 14:6–7). Dito tumutukoy ang ‘walang hanggang ebanghelyo’ sa ebanghelyo ng kaharian. Bukod pa rito, ang panghuling pagliligtas na ito ay noon pa ibinunyag ng Banal na Espiritu sa mga alagad ng Panginoong Jesus. Kagaya ng sinabi ni Pedro: ‘Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). ‘Na sa kapangyarihan ng Dios ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya sa ikaliligtas na nahanda upang ihayag sa huling panahon’ (1 Pedro 1:5). Sister Su, hindi ba ang pagbabalik ng Panginoon ang inaasam nating mga mananampalataya? Ngayon ay nagbalik na talaga ang Panginoon; dapat tayong maging mga mapagpakumbabang naghahanap. Ganap na hindi tayo maaaring maging kagaya ng mga Fariseo sa kanilang pakikitungo sa Panginoong Jesus, ang unang pagkakatawang-tao ng Diyos, na bulag na gumamit ng kaalaman ng Biblia at mga pagkaunawa at haka-haka nila upang limitahan ang bagong gawain ng Diyos, kinokondena at nilalabanan ang Panginoon dahil hindi sumusunod ang Panginoong Jesus sa batas, at kalaunan ay ipinapako sa krus ang Panginoon. Naniwala lamang ang mga Fariseo sa Diyos na Jehova ngunit hindi tinanggap ang pagkakatawang-tao ng Diyos na si Jehova—ang gawain ng Panginoong Jesus—at sa katapusan ay hinatulan sila at isinumpa ng Panginoon. Hindi ba karapat-dapat sa pagmumuni-muni natin ang madugong aral na ito? Walang makakatangging ang Panginoong Jesus ang ating Tagapagligtas. Ngunit kung tinatanggap lang natin ang Panginoong Jesus subali’t hindi tinatanggap ang pagbabalik ng Panginoon, hindi ba tayo katulad ng mga Fariseo? Hindi ba tayo kung ganoon naging mga taong naniniwala sa Diyos ngunit lumalaban sa Kanya? Higit pa riyan, Sister Su, hindi namin puwedeng gawin ang sinasabi mo dahil lamang ipinangaral mo ang ebanghelyo ng Panginoon sa amin. Ang pinapaniwalaan namin ay ang Diyos. Minsang sinabi nina Pedro at ng iba pang mga alagad, ‘Dapat muna kaming magsitalima sa Diyos bago sa mga tao’ (Mga Gawa 5:29). At pagdating sa mga bagay tungkol sa pagdating ng Panginoon, hindi kami puwedeng makinig na lamang sa ibang mga tao. Natukoy na namin na ang salita ng Makapangyarihang Diyos ay ang tinig ng Diyos. Umaasa kami na sisiyasatin mo rin ito.”

Galit ako habang binabasa ang sulat, at hindi kumbinsido ni bahagya. Kinuha ko ang sangguniang aklat ko tungkol sa Biblia at pumunta sa pahina ng panimula ng Aklat ng Galacia. Maingat akong nagbasa at lubos na nagulat: Totoo nga ito! Ang “isa pang ebanghelyo” na binanggit ni Pablo ay talaga ngang tumutukoy sa paggawa ng mga Fariseo na sundin ng mga tao ang batas ni Jehova; tama nga, hindi ito tumukoy sa gawain ng paghatol ng Panginoon mula sa tahanan ng Diyos sa Kanyang pagbabalik. Sa lahat ng taong iyon, paanong hindi ko kailanman napansin na ito ang konteksto ng talatang iyon? Hindi na nakakapagtakang hindi sila nakumbinsi. Subali’t isa pang ideya ang naisip ko: Kahit pa mali ang sinabi ko, hindi pa rin iyon patunay na nagbalik na ang Panginoon, gaya ng ipinapangaral nila. Binasa ko uli ang sulat mula simula hanggang katapusan at habang mas binabasa ko ito, lalo akong nagagalit. Naisip ko, “Hindi ko kailanman inakala na matapos akong mawala ng ganoon kaikling panahon, magkakaroon sila ng lakas ng loob na pagmataasan ako at maglakas-loob pang … maglakas-loob na tawagin akong isang Fariseo. Kinamumuhian ko ang mga Fariseo nang higit kaninuman. Paano ko magagawang labanan ang Panginoon sa pamamaraang ginawa ng mga Fariseo? Nagpakahirap akong gumawa nang napakaraming taon, nagpapakapagod araw at gabi para sa mga mananampalataya. Paanong hindi nila alam iyon?” Habang mas iniisip ko ito ay mas lalo akong naiinis at naisip ko: “Hindi, paano ako mahihigitan ng paliwanag ng ilang mananampalatayang puro mga baguhan lang? Napakaraming beses ko nang nabasa ang Biblia—imposibleng hindi ako mananalo sa debateng ito.”

Kaya, inilabas ko uli ang panulat ko at sumulat ng pangalawang liham pabalik sa kanila, sinasabing: “Mga kapatid, sumainyo nawa ang kapayapaan mula sa Panginoon! Lubos na nakapagpabalisa sa akin na mabasa ang sulat ninyo. Hindi ko hinihiling sa inyo na gawin ang sinasabi ko—nagkamali talaga kayo ng pagkakaunawa sa layunin ko. Nangangamba akong lumalayo kayo sa daan ng Panginoong Jesus dahil sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagka’t may magsisilitaw na mga bulaang Cristo, at mga bulaang propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na’ng mga hirang(Mateo 24:23–24). Sinabi rin ni Pablo: ‘Ngayon aming ipinamamanhik sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo, at sa ating pagkakatipon sa kaniya: Upang huwag kayong madaling makilos sa inyong pagiisip, at huwag din naman kayong mabagabag maging sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat na waring mula sa amin, na wari bagang nalalapit na ang kaarawan ng Panginoon; Huwag kayong padaya kanino man sa anomang paraan’ (2 Tesalonica 2:1–3). Mga minamahal na kapatid, pinapayuhan ko kayo sa ngalan ng Panginoong Jesus na magkakaroon ng mga mapanganib na araw sa hinaharap sa mga huling araw, at na hindi kayo dapat maniwala sa sinumang nangangaral ng pagdating ng Panginoon. Dapat tayong maging napakaingat at isaisip ang mga salita ng Panginoon, kundi ay tinatahak natin ang maling landas at pinapasama ang loob ng Panginoon!”

Pagkatapos ng dalawang linggo ay nakakuha ako ng isa pang sulat mula sa kanila, na nagsasabing: “Sister Su, hindi mali ang mga banal na kasulatang nahanap mo para sa amin, ngunit dapat tayong maging malinaw sa totoong kahulugan ng Panginoong Jesus sa mga salitang ito at hindi magkamali ng pagkakaunawa sa kalooban ng Panginoon. Malinaw na sinabi sa atin ng Panginoong Jesus na magpapakita ang mga huwad na Cristo pagdating ng Panginoon sa mga huling araw, at na magpapanggap ang mga huwad na Cristo sa pamamagitan ng paggamit ng ngalan ng Panginoon, at magpapakita ng mga himala upang linlangin ang mga tao. Sa pagsasabi nito, sinasabi sa atin ng Panginoon na magsagawa ng pagkilatis; hindi Niya sinasabing ang lahat ng nangangaral ng pagdating ng Panginoon ay huwad. Kung, gaya ng sinasabi mo, ang lahat ng nangangaral ng pagdating ng Panginoon ay huwad at dapat tayong magbantay laban sa kanila at tanggihan sila, hindi ba masyadong malaki ang posibilidad na isara natin ang pinto sa Panginoong Jesus na nagbalik sa katawang-tao? Sinasabi namin ito dahil sinabi ng Panginoon na darating Siyang muli. Malinaw naman na ang ganoong uri ng pananaw ay hindi tugma sa kalooban ng Panginoon. Pagdating sa kung paano matutukoy ang tunay na Cristo at mga huwad na Cristo, isinulat namin para sa iyo ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos at umaasa kaming titingnan mo itong mabuti. Sinabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng mga maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, isang huwad ito na gawa ng masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakumpleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pag-alam sa Gawain ng Diyos Ngayon). Imposibleng laging di-nagbabago ang gawain ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay laging bago, hindi kailanman luma, at hindi ito umuulit kailanman. Kagaya ng kung paanong ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya ay dalawang magkaibang yugto ng gawain. Sa mga huling araw, nagsagawa na ang Diyos ng isang yugto ng gawain ng paghatol at paglilinis sa mga tao sa pamamagitan ng Kanyang mga salita nang naaayon sa mga pangangailangan ng sangkatauhan. Ito ay isang yugto ng lubusang pagdadalisay at pagliligtas sa mga tao. Ito ay mas bago, mas mataas, at mas praktikal kaysa naunang gawain. Mula sa bawat yugto ng gawain ng Diyos, makikita natin ang mga katotohanang ipinapahayag Niya pati na rin ang karunungan, awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang gawain. Ngunit ang mga huwad na Cristo ay sinasapian ng masasamang espiritu at hindi nagtataglay ng diwa ng Diyos. Ganap nilang hindi taglay ang katotohanan at sa gayon ay walang kakayahang magpahayag ng pagka-makapangyarihan sa lahat ng Diyos, karunungan at disposisyon ng Diyos. Malinaw na hindi magagawa ng mga huwad na Cristo ang gawain ng Diyos sa anumang paraan. Ang magagawa lang ng mga huwad na Cristo ay gayahin ang gawain na nagawa na ng Panginoong Jesus, magpagaling ng mga maysakit, magpalayas ng mga demonyo at magpakita ng ilang ordinaryong himala para magpanggap na Cristo upang linlangin ang mga tao. Kapatid, kailangan natin ng dalisay na pag-unawa sa mga salita ng Panginoon; hindi tayo maaaring magkamali ng pagkaunawa sa kalooban ng Panginoon, lalo na ang ipahamak ang sarili natin dahil lang nagpapakita ang mga huwad na Cristo sa mga huling araw. Ni hindi natin magagawang pag-aralan ang gawain ng pagbabalik ng Panginoon….”

Bagaman ang pagbabahagi ng mga kapatid sa sulat ay may katwiran, lubos akong walang balak na hanapin o pag-isipan ito. Ang tanging inisip ko ay kung tinanggap nila o hindi ang mga banal na kasulatang nahanap ko para sa kanila at kung nagbalik sila sa Panginoon. Muli kong inisip ang dalawang debateng ito sa aming mga sulat at nakita kong ni hindi sila nakumbinsi ni bahagya. Sa kabaligtaran, nahayaan ko silang walang-tigil na makipagtalo sa akin hanggang sa puntong napahiya na ako. Dali-dali akong nanalangin sa Panginoon at saka kinuha ang Biblia at ang lahat ng aking mga espirituwal na aklat, at inilatag ang mga iyon sa kama ko. Patuloy kong binasa ang mga ito, sa pagnanais na makahanap ng basehan para pabulaanan sila. Ganap na tahimik ang silid maliban sa swish, swish na tunog ng paglilipat ko ng mga pahina. Gumabi na bago ko napansin at hindi pa rin ako nakahanap ng anuman. Sa pagod ko ay malalim akong bumuntong-hininga at naisip ko: “Talagang hindi madaling makagawa ng tugon sa sulat na ito.” Ang tanging nagawa ko ay pulutin ang panulat ko at magsulat: “Mga kapatid, sa pagbabasa ko sa sulat ninyo ay naramdaman kong hindi na kayo ang magagandang munting kordero na dating kayo. Ni ayaw ninyong makinig sa akin, ipinipilit ninyong lumayo sa daan ng Panginoon, at napakasalungat ninyo sa akin. Sa tingin ko ay nalulungkot ang Panginoon sa inyong inaasal, at labis din akong nalulungkot. Nawa’y matinag kayo ng Panginoong Jesus at nawa’y magawa kayo ng sulat na ito na manumbalik agad. Amen!”

Matapos ang ilang linggo ay muli akong nakatanggap ng isa pang tugon mula sa kanila, ngunit nadismaya ako na hindi pa sila nagbalik dahil sa pagmamahal at panghihikayat ko. Sa kabaligtaran, marahas at walang pasubali nilang sinabi: “Sister Su, ikaw ang nag-convert sa amin, totoo iyon, ngunit ang Siyang dapat naming pasalamatan para rito ay ang Panginoon, sapagkat ang Diyos ang nagtipon sa amin, ang mga naliligaw at gumagalang tupang ito, upang maging kawan sa tulong mo. Isa ka lang tagapaglingkod na nag-aalaga sa kawan, ngunit tanging ang Panginoong Jesus ang aming tunay na pastol. Kagaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako(Juan 10:14). Ipinagkakatiwala ng Panginoon ang mga tupa sa bawat taong gumagawa para sa Kanya. Ang responsibilidad lang ng isang tao ay ang bantayan sila at kapag nagbalik na ang Panginoon, dapat nilang ibalik ang kawan sa Kanya. Sister Su, alam nating lahat ang parabula ng ‘masasamang nangungupahan’ na binanggit ng Panginoong Jesus sa Biblia. Upang sapilitang tumira sa lupain, hinampas ng mga nangungupahan ang mga tagapaglingkod na dumating upang mangolekta ng bunga, at nang ipadala ng may-ari ng bahay ang anak niyang lalaki, pinatay nila ang anak upang tumira sa lupain. Kapag bumalik na ang may-ari, paano niya pakikitunguhan ang masasamang nangungupahang ito? Hindi tayo dapat maging katulad nila. Nagbalik na ngayon ang Panginoon, at dapat nating ibalik sa Panginoon ang kawan ng Panginoon. Ito ang katwirang dapat nating taglayin.”

Talagang nabigla ako sa sulat na ito. Naisip ko sa sarili ko: “Paano nila nagagawang magkamit ng ganoon kalawak na pang-unawa sa isang kisapmata? Dalawang taon pa lamang mula noong pumunta ako sa Shandong at itatag ang iglesiang iyon. Noong umalis ako ay para pa silang ‘mga sanggol’ sa kanilang pananampalataya. Hindi ko kailanman naisip na ilang buwan lang matapos nilang tanggapin ang Kidlat ng Silanganan ay magtataglay na ang mga salita nila ng gayong lakas, o na magagawa nilang makahanap ng mga perpektong sipi sa Biblia upang matagumpay na makipagtalo sa akin, na mauubusan ako ng salita upang kontrahin sila.” Mapait akong nadismaya noong sandaling iyon at pakiramdam ko ay naging hindi na matitinag ang mga kapatid mula sa kanilang kapasyahang sumunod sa Kidlat ng Silanganan, na wala na silang planong bumalik. Alam kong hindi ko sila magagawang mahikayat na bumalik. Habang nakakaramdan ng lubos na panghihina at karupukan, mabigat sa loob kong pinadalhan sila ng pang-apat na sulat, kung saan sinabi ko: “Bahala kayo. Gaya ng nasusulat sa Biblia, mula pa noong mga sinaunang panahon, ang nanggagaling sa Diyos ay uusbong at ang galing sa tao ay matatalo. Huwag na kayong sumulat pang muli sa akin. Sana ay magawa ninyong kumapit sa inyong pananampalataya at pagmamahal kay Jesucristo.”

Pagkatapos tanggihan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw na naibahagi sa akin ng mga kapatid mula sa Shandong, mas dumilim at humina ang espiritu ko, at lumubha ang pangkabuuan kong kondisyon. Kahit madalas akong nag-ayuno at nanalangin at nagmuni-muni tungkol sa kung paano ako maaaring nagkasala laban sa Panginoon, hindi ko kailanman maunawaan ang kalooban ng Panginoon, at sadyang hindi ko madama ang presensiya ng Panginoon. Ito ang panahon kung kailan gumawa ng mga maling paratang laban sa akin ang mga pastor at elder upang makipagtunggalian para sa pera mula sa mga handog, at matagumpay nila akong natanggal mula sa iglesia. Napakamiserable ko at hindi ko alam kung saan babaling. Madalas akong pumupunta sa tabing-ilog at umaawit ng himnong, “Panginoon, Ikaw ang Pinakamatalik Kong Kaibigan” habang umiiyak ako. Inasam kong magbalik na agad ang Panginoon upang mailigtas Niya ako mula sa mga kapighatian ko.

Isang araw pagkaraan ng anim na buwan, habang nagluluto ako ng pananghalian, narinig ko ang biyenan kong babae na tinatawag ang pangalan ko mula sa labas ng pambungad na pinto. Nang buksan ko ang pinto, nakita ko ang isang payat na dalagang may mga pinong katangian na nakatayo sa likod ng biyenan ko. Sabi ng biyenan ko, “Dumating ang batang kapatid na ito upang makausap ka. Mayroon siyang address ngunit hindi ka niya makita, kaya nagpunta sa iglesia. Sinabi niyang kailangan ka niyang makausap agad, kaya nagmadali akong dalhin siya.” Maingat kong tinantiya ang kapatid na ito at naisip sa sarili ko: “Bakit tila hindi ko siya kilala?” Nang makita ako, lumapit siya sa akin, kinuha ang aking kamay at natutuwang sinabing: “Ikaw pala si Sister Su. Nahanap din kita!” Sa pagkalito ko sa mga kilos niya, gulat ko siyang tiningnan at tinanong: “Sino ka? Sa tingin ko hindi pa tayo nagkakilala dati?” Ang masigla niyang sagot ay: “Kapatid, ang apelyido ko ay Wang. Nandito ako dahil kina Brother Meng at Sister Zhao mula sa Shandong. Sumulat sina Brother Meng at ang mga iba pa sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos dito at hiniling sa amin na mag-isip ng paraan upang mahanap ka, kahit anong mangyari. Ipinagkatiwala nila sa amin ang pagbabahagi sa iyo ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos sapagkat masyado silang abala at wala talagang panahon para pumunta sila nang personal. Hindi ko alam kung gaano karaming kamay ng mga tao ang dinaanan ng sulat na ito, ngunit nakailang ikot ito bago dumating sa amin. Lumibot na ako ng napakaraming beses sa paghahanap sa iyo. Hindi ka madaling hanapin.” Nang makarating siya sa puntong iyon, naging emosyonal ang batang kapatid at inilagay niya ang sulat sa mga kamay ko. Kinuha ko iyon at binasa: “Isang tunay na mananampalataya si Sister Su. Pakiusap, dapat ninyo siyang hanapin at ibahagi sa kanya ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos….” Uminit ang puso ko at hindi matigil ang pagdaloy ng luha ko nang mabasa ko ang mga salitang ito. Naantig ang biyenan ko at sinabing: “Ito talaga ay salamat sa Panginoon! Ito talaga ang pagmamahal ng Panginoon!” Habang tinitingnan ang mabait at tapat na batang kapatid na ito, pinag-isipan ko ang nakakaantig at taos-pusong mga salitang nasa sulat na iyon at naramdaman ko ang pagmamadali ng mga kapatid na ibahagi sa akin ang ebanghelyo ng pagbabalik ng Panginoon. Sinabi sa akin ng intuition ko na nagmumula sa kaluluwa ko na ang pagmamahal na ito ay galing sa Diyos. Ang Diyos lamang ang nagtatangi sa bawat kaluluwa sa ganitong paraan at malalim na nagmamahal sa bawat taong tunay na nananampalataya sa Diyos. At kaya, nagpasya ako na sa pagkakataong ito ay hahanapin ko at pag-aaralan ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Hindi na ako maaaring tumanggi. Masigla kong sinabi sa kanya: “Kapatid, pumasok ka sa loob at maupo.” Masaya siyang tumango, na nangingislap pa ang mga mata niya sa mga luha.

Kumain kami, at pagkatapos ay tinawag ko rin ang kasamahan kong si Sister Zhang. Narinig ng asawa ko na magkakaroon kami ng pagbabahagi at hiningi rin na huwag na lang magtrabaho noong araw na iyon. Mainit na tinanong ng batang kapatid: “Kapatid, sinabi nina Brother Meng sa sulat nila na ilang sulat na ang naipadala nila sa iyo tungkol sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, ngunit ayaw mo itong tanggapin. Gusto kong malaman kung ano ba ang mga naiisip mo tungkol dito? Kapatid, kung may anumang paghihirap ka, pakibahagi mo ang mga iyon sa amin; puwede tayong magbahaginan at magkasamang maghanap.” Sabi ko: “Dahil tinatanong mo, magtatapat ako at magbabahagi sa iyo. Natakot akong malinlang ng mga huwad na Cristo na magpapakita sa mga huling araw kung kaya’t nanatili ako sa ‘ang lahat ng nangangaral ng pagdating ng Panginoon ay huwad,’ kaya hindi ko kailanman siniyasat ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Kalaunan, pinag-isipan ko ang sinabi nina Brother Meng at ng mga iba pa sa mga sulat nila, at naisip kung gaano ito kamakatwiran. Talagang pagpapahamak sa sarili ang bulag na pagtanggi sa anumang ebanghelyo ng pagbabalik ng Panginoon dahil sa pagpapakita ng mga huwad na Cristo sa mga huling araw. Subali’t, kung nais nating salubungin ang pagbabalik ng Panginoon, hindi maaaring hindi tayo magkaroon ng kakayahang makilala ang tunay na Cristo mula mga huwad na Cristo. Dahil nandito ka na, pakiusap magbahagi ka sa amin ng tungkol dito.” Tumango rin sa pagsang-ayon sina Sister Zhang, ang asawa ko at ang biyenan ko.

Pagkatapos ay nagbasa sa amin ang kapatid ng isang sipi ng mga salita ng Diyos kung saan sinabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi mahirap magsiyasat tungkol sa gayong bagay, ngunit kinakailangan nito na malaman ng bawat isa sa atin ang katotohanang ito: Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, ilalahad Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban siya ng buhay, at ituro ang daan para sa kanya. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan itong matukoy batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang sagot ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspeto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang susuriin lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi napansin ang Kanyang diwa, ipinapakita niyan na ang tao ay mangmang at walang alam(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sinabi ng batang kapatid na ito sa pagbabahagi: “Makikita natin mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos na ang susi sa pagkilala sa tunay na Cristo mula sa mga huwad na Cristo ay ang tingnan ang kanilang diwa. Makikilala ito mula sa kanilang mga gawain, mga salita at disposisyon. Minsang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay(Juan 14:6). Malinaw na dahil Siya ang Diyos sa katawang-tao, maipapahayag Niya ang katotohanan at magagawa ang sariling gawain ng Diyos; maipapahayag Niya rin ang sariling disposisyon ng Diyos at kung anong mayroon at kung ano Siya. Gaya ng sa Kapanahunan ng Biyaya, nagpahayag ang Panginoong Jesus ng maraming katotohanan, nagpahayag ng disposisyong pangunahin ay sa awa at pagmamahal, at tinapos ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Mula sa gawain at mga salita ng Panginoong Jesus, at mula sa disposisyong ipinahayag Niya, matitiyak nating si Jesucristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, na Siya ang nagkatawang-taong Diyos Mismo. Ngayon ay dumating na ang Makapangyarihang Diyos at nagpahayag ng lahat ng katotohanan upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan; nagawa na Niya ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga tao sa mga huling araw. Ibinubunyag ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanan ng pagtiwali ni Satanas sa sangkatauhan at ang kalikasan at diwa ng tao. Sinasabi ng mga ito ang lahat ng aspeto ng katotohanan gaya ng kung ano ang pagkakamit ng pagliligtas, ano ang pagbabago ng disposisyon at ang landas upang makamit ito, pati na kung ano ang hantungan sa hinaharap ng sangkatauhan at ano ang magiging katapusan para sa lahat ng uri ng mga tao. Ibinubunyag din ng mga salita Niya ang hiwaga ng anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos at ang mga pagkakatawang-tao, at ipinapahayag ng mga ito ang likas na disposisyon at diwa ng Diyos, at kung anong mayroon at kung ano Siya. Basta masigasig nating binabasa ang mga salita ng Diyos, makikita natin na ang mga salitang binigkas ng Makapangyarihang Diyos ay ang tinig ng Espiritu ng katotohanan, ang paraan ng paghatol sa mga huling raw. Natupad ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw ang mga propesiya sa Biblia, gaya ng, ‘Pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). ‘Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:13) at ‘Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw(Juan 12:48). Ang mga katotohanang naipahayag ng Diyos, ang gawain ng paghatol, pagkastigo at pagdadalisay sa mga tao na nagawa Niya, at ang disposisyong inilarawan ng katuwirang naipahayag ng Makapangyarihang Diyos ay lahat ganap na pinapatunayan na ang Makapangyarihang Diyos ang pagpapakita ni Cristo ng mga huling araw. Ngunit sa kabaligtaran, hindi nagtataglay ang mga huwad na Cristo ng diwa ng Diyos. Karamihan sa kanila ay sinasaniban ng masasaming espiritu o ng napakayayabang na demonyo at masasamang espiritung lubos na walang katwiran. Hindi nila kayang magpahayag ng mga katotohanan upang tustusan ang mga tao, ni magsagawa ng gawain ng paghatol upang dalisayin ang mga tao. Kaya lang nilang linlangin ang mga hangal, ignorante, at nalilitong mga taong yaon na nais punuin ang mga tiyan nila ng tinapay upang pawiin ang pagkagutom sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng mga simpleng tanda at kababalaghan. Samakatuwid, napakadali para sa atin na makilala ang tunay na Cristo mula sa mga huwad na Cristo sa pamamagitan ng isang prinsipyong ito: Si Cristo ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ito ay lubos na naaayon sa kalooban ng Diyos.”

Habang pinapakinggan ko ang pagbabahagi ng kapatid, paulit-ulit ko itong pinag-isipan: “Nanampalataya na ako sa Panginoon sa lahat ng taong ito ngunit hindi ko kailanman narinig ang ganitong uri ng pagbabahagi. Ngayon ay nagsasabi ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos tungkol sa masinsinang pagkilala sa tunay na Cristo mula sa mga huwad na Cristo; para bang ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos ay talaga ngang ang tinig ng Banal na Espiritu. O Panginoon! Lagi kong sabik na hinintay ang pagbabalik Mo, ngunit sa nakalipas na huling ilang taon ay tumutok lang ako sa pagbabantay laban sa mga huwad na Cristo at walang gaanong naging lakas ng loob na maghanap. Hindi ako kailanman nagsiyasat sa pagbabalik Mo upang gawin ang gawain ng paghatol sa mga huling araw gaya ng pinapatotohanan ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, ngunit basta na lang itong nilabanan at kinondena. Panginoon, talaga bang hinayaan Kita sa labas?” Kumabog ang puso ko sa kaisipang ito. Nakaramdam ako ng pagkataranta at hindi na ako makaupo nang payapa, kaya tumayo ako at pumunta sa kusina upang magpanggap na kukuha ng kaunting tubig, habang sinusubukang mapahinahon ang sarili ko nang kaunti. Habang binubuhos ko ang tubig, pinag-isipan ko: “Napakabata pa ng kapatid na ito, ngunit napakapraktikal ng pagbabahagi niya sa katotohanan. Napakabilis ding sumulong ang mga kapatid sa Shandong pagkatapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos. Labis na higit sa akin ang pagkaunawa nila sa Biblia at ang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Tinutulutan ng paraang ito ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at makamit ang kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Hindi ba ito gawain ng Diyos?” Sa pag-iisip ng lahat ng ito, pareho kong nadama ang kagalakan at pagsisisi. Inalala ko noong sinusulat ko ang mga liham na iyon sa mga kapatid sa Shandong. Iwinawagayway ko ang panulat ko, pinapagalitan sila nang may kayabangan. At sa pagtingin ko sa pagbabalik ng Panginoon, hindi lang ako nabigong hanapin ang katotohanan at tanggapin ang pagbabahagi ng mga kapatid, ngunit sa halip, paulit-ulit kong pinabulaanan at tinanggihan ito. Itinuring ko ang sarili kong dalubhasa sa katotohanan at ninais na makinig sa akin ang lahat ng kapatid, at inisip ko ring ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko upang ipaglaban ang tunay na daan. Hindi ko kailanman naisip na nilalabanan ko ang Diyos. Kaya hindi ba ginagawa ako noon na isang makabagong Fariseo? Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay parang nakababad ako sa malamig na tubig mula ulo hanggang paa; nakaramdam ako ng panlalambot at panghihina sa buong katawan. Nanginginig na hindi mapigil ang pareho kong kamay at patuloy kong inuulit-ulit sa isip ko ang mga eksena ng paglaban ko sa Diyos…. Hindi ko na kayang pigilan pa—nagsimulang dumaloy ang mga luha mula sa aking mga mata. Kinamuhian ko ang sarili ko dahil sa pagiging mayabang at bulag ko. Pagkaraan ng ilang sandali, pinahid ko ang mga luha ko at bumalik sa silid na may dalang isang tray ng mga baso ng tubig. Tiningnan ako ng kapatid at nag-aalalang tinanong ako: “Kapatid, tinatanggap mo ba ang pagbabahaging ito?” Nagbuntong-hininga ako at sinabi nang may paninisi sa sarili: “Matapos kong makinig sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos at sa pagbabahagi mo ngayon lang, nararamdaman kong ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus. Araw-araw akong naghintay sa pagbabalik ng Panginoon ngunit hindi kailanman naguni-guni na ngayong nagbalik na ang Panginoon, gagampanan ko talaga ang papel ng isang Fariseo. Nakagawa talaga ako ng malaking kasamaan! Nalabanan ko ang Diyos.” Pagkatapos ay nagsimula akong umiyak nang sobra na hindi na ako makapagsalita.

Naghahatid ng Napakahalagang Balita ang Isang “Mensaherong Kalapati”

Kalaunan, matapos ang ilang panahong ginugol sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, naging ganap na tiyak na si Sister Zhang, ang biyenan ko, ang asawa ko at ako na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus. Napakasaya ko kung kaya sabik akong nagpadala ng ikalimang sulat sa mga kapatid sa Shandong: “Minamahal na mga kapatid! Salamat sa Diyos na sa pamamagitan ng maraming ulit na pagbabahagi ninyo sa akin ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, natanggap ko na ngayon ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at naging kasapi nang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Bagaman tinanggap ko ito nang mas huli kaysa sa inyo, ayaw kong mapag-iwanan. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang makahabol….” Sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay parang lumilipad ang puso ko kasama ng sulat pabalik ng Shandong upang malapitang magpulong kasama ng mga kapatid doon. Salamat sa Diyos para sa Kanyang pagmamahal!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ibang Klase ng Pagmamahal

Ni Chengxin, Brazil Isang di-sinasadyang pagkakataon noong 2011 ang nagtulot sa akin na makapunta sa Brazil mula sa China. Noong...